5. Mabuting maniwala sa Diyos, ngunit sa palagay ko ang lahat ng relihiyon ay nagtuturo sa mga tao na maging mabubuting tao. Kaya’t anuman ang relihiyon na pinaniniwalaan ng mga tao, hangga’t sila ay taos-puso at hindi gumagawa ng kasamaan, sila ba’y tiyak na maliligtas ng Diyos?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ano ang paniniwala sa relihiyon? Ano ang paniniwala sa Diyos? May pagkakaiba ba sa pagitan ng mga ito? Ano ang karaniwan at hayag na mga katangian ng relihiyon? Paano karaniwang binibigyang-kahulugan ng mga tao ang paniniwala sa relihiyon? Ang paniniwala sa relihiyon ay binubuo ng mga pagbabago sa pag-uugali, isang pagbabago sa mga pag-uugaling tulad ng pakikipag-away sa iba, pagmumura sa iba, katiwalian, pagkasangkapan sa iba, pagsasamantala sa iba, at maliliit na pagnanakaw at panloloob. Karaniwang tumutukoy ito sa mga pagbabago sa pag-uugali. Kapag naniniwala ang isang tao sa relihiyon, sinisikap nilang kumilos nang maayos, na maging isang mabuting tao; ang mga ito ay mga pag-uugaling hayag. Ano naman ang relihiyon bilang isang bagay na nagbibigay ng pansamantalang kapanatagan ng isipan? Ano naman ang tungkol sa dako ng pag-iisip? Sa pagsampalataya, mayroon ngang pansamantalang kapanatagan ng isipan ang isang tao. Ang paniniwala sa relihiyon kung gayon ay maaaring bigyang-kahulugan nang ganito: pagkilos nang maayos, at pagkakaroon ng pansamantalang kapanatagan ng isipan—wala nang iba. Pagdating sa mga detalyeng tulad ng kung ang pinaniniwalaan nila ay totoong nabubuhay at kung ano Siya, talaga, at kung ano ang hinihiling Niya sa kanila, ginagamit ng mga tao ang paghinuha at ang kanilang imahinasyon. Ang paniniwala na may gayong batayan ay tinatawag na paniniwala sa relihiyon. Ang paniniwala sa relihiyon ay nangangahulugan higit sa lahat ng paghahangad na mabago ang pag-uugali at magkaroon ng pansamantalang kapanatagan ng isipan, ngunit kinapapalooban ba ito ng anumang pagbabago sa landas ng buhay ng isang tao? Wala ni katiting na pagbabago sa landas, layunin, o direksyon sa buhay ng isang tao, ni sa pinagbabatayan ng kanilang pamumuhay. At ano ang ibig sabihin ng maniwala sa Diyos? Ano ang itinuturing at ipinagagawa ng Diyos bilang paniniwala sa Kanya? (Paniniwala sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan.) Paniniwala ito na Siya ay umiiral at paniniwala sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan—napakahalaga nito. Ano ang ipinagagawa ng Diyos sa mga tao sa kanilang paniniwala sa Kanya? Saan ito nauugnay? (Pagiging matatapat na tao, pagkakaroon ng normal na pagkatao, paghahangad sa katotohanan, paghahangad sa pagbabago ng disposisyon, at paghahangad na makilala ang Diyos.) At mayroon bang ipinagagawa sa mga tao hinggil sa kanilang mga salita at pag-uugali? Sa panlabas, kailangan mong magkaroon ng banal na kagandahang-asal at mamuhay nang may normal na pagkatao. At ano ang kahulugan ng paniniwala sa Diyos? Ang paniniwala sa Diyos ay pagsunod sa mga salita ng Diyos; ito ay ang umiral, mabuhay, at gampanan ang tungkulin ng isang tao ayon sa mga salitang sinambit ng Diyos, at maging abala sa lahat ng aktibidad ng normal na pagkatao. Ipinahihiwatig nito na ang maniwala sa Diyos ay ang sundin ang Diyos, gawin ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos, at mamuhay ayon sa nais ng Diyos. Ang maniwala sa Diyos ay ang sumunod sa Kanyang daan. At sa paggawa nito, hindi ba lubos na naiiba ang layunin at direksyon ng buhay ng mga tao mula sa mga taong naniniwala sa relihiyon? Ano ang kinabibilangan ng paniniwala sa Diyos? Ang mga tao ay dapat ipamuhay ang normal na pagkatao; dapat nilang sundin ang mga salita ng Diyos, anuman ang ipinagagawa sa kanila ng Diyos; at dapat silang magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Lahat ng bagay na ito ay kinapapalooban ng mga salita ng Diyos. Ano ang mga salita ng Diyos? (Ang katotohanan.) Ang paniniwala sa Diyos ay kinapapalooban ng katotohanan; ito ang pinagmumulan, at ang tamang landas ng buhay; kinapapalooban ito ng landas na tinatahak ng mga tao sa buhay. Kinapapalooban ba ng anuman dito ang paniniwala sa relihiyon? Hindi. Sa paniniwala sa relihiyon, ayos lang na ipakita na kumikilos ka nang maayos, nagpipigil sa sarili, sumusunod sa mga panuntunan, at magkaroon ng pansamantalang kapanatagan ng isipan. Kung kumikilos nang maayos ang isang tao at may suporta at pansamantalang kapanatagan ng isipan, nagbabago ba ang kanilang landas sa buhay? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Ang paniniwala sa relihiyon at paniniwala sa Diyos ay magkapareho.” Kung gayon, sinusunod ba nila ang Diyos? Ang paniniwala sa relihiyon ay paghahangad lamang ng pagbabago ng pag-uugali, walang iba kundi paghahangad ng pansamantalang kapanatagan ng isipan, at hindi ito kinapapalooban ng anumang katotohanan. Dahil dito, hindi maaaring magkaroon ng pagbabago sa disposisyon ng mga taong ito. Wala silang kakayahang isagawa ang katotohanan, o ang anumang makabuluhang pagbabago, at wala silang totoong kaalaman tungkol sa Diyos. Kapag naniniwala ang isang tao sa relihiyon, gaano man kabuti ang kanilang pag-uugali, gaano man katindi ang pansamantalang kapanatagan ng kanilang isipan, sinusunod ba nila ang Diyos? (Hindi.) Kung gayon ay sino ang kanilang sinusunod? Sinusunod nila si Satanas. At ano ang batayan ng kanilang ipinamumuhay, hinahangad, ninanais, isinasagawa, at inaasahan sa kanilang buhay? Ang batayang iyon ay ang buong tiwaling disposisyon ni Satanas at ang kakanyahan nito. Ang paraan ng pagdadala nila sa kanilang sarili at pagtrato nila sa iba ay naaayon sa lohika at pilosopiya ni Satanas ukol sa pamumuhay; lahat ng sinasabi nila ay kasinungalingan, wala ni katiting na katotohanan; hindi pa sila nagkamit ng kahit kaunting pagbabago sa kanilang satanikong disposisyon, at si Satanas pa rin ang kanilang sinusunod. Ang kanilang pananaw sa buhay, mga pinahahalagahan, mga paraan ng pamamahala sa mga bagay-bagay, at mga prinsipyo ng kanilang mga kilos ay pawang mga pagpapahayag ng kanilang satanikong kalikasan; mayroon lamang maliit na pagbabago sa ipinapakita nilang pag-uugali; wala ni katiting na pagbabago sa kanilang landas ng buhay, sa paraan ng kanilang pamumuhay, o sa kanilang pananaw. Kung talagang naniniwala ka sa Diyos, anong mga pagbabago ang totoong nangyari na sa iyo matapos maniwala sa Diyos nang ilang taon? Ang pundasyon ng iyong buhay ay nagdaraan sa isang pagbabago. Ano ang batayan ng iyong pamumuhay? Ano ang nakakaimpluwensya sa ginagawa at sinasabi mo araw-araw? Saan nakabatay ang lahat ng iyon? (Lahat ng iyon ay batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan.) Halimbawa, marahil ay hindi ka na nagsisinungaling—ano ang batayan nito? Bakit hindi ka na nagsasalita sa gayong paraan? (Dahil ayaw iyon ng Diyos.) May batayan kaya hindi ka na nagsasalita o kumikilos sa gayong paraan, at ang batayan ay ang salita ng Diyos, ang hinihiling ng Diyos, at ang katotohanan. Ang gayong tao ba ay may katulad na landas ng buhay? Narito ang isang buod: Ano ang paniniwala sa relihiyon? At ano ang paniniwala sa Diyos? Kapag naniniwala ang mga tao sa relihiyon, sinusunod nila si Satanas; kapag naniniwala sila sa Diyos, sinusunod nila ang Diyos. Iyan ang pagkakaiba.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Pagsampalataya sa Relihiyon o Pagsali sa Seremonyang Panrelihiyon
Bagama’t maraming taong naniniwala sa Diyos, kakaunti ang nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos, at kung ano ang kailangan nilang gawin upang makaayon sa kalooban ng Diyos. Ito ay dahil, bagama’t pamilyar ang mga tao sa salitang “Diyos” at sa mga pariralang tulad ng “ang gawain ng Diyos,” hindi nila kilala ang Diyos, at lalong hindi nila alam ang Kanyang gawain. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na lahat ng hindi nakakakilala sa Diyos ay nalilito sa kanilang paniniwala sa Kanya. Hindi sineseryoso ng mga tao ang kanilang paniniwala sa Diyos, at ito ay dahil lamang sa masyado silang hindi pamilyar sa paniniwala sa Diyos, masyado itong kakaiba para sa kanila. Sa ganitong paraan, hindi sila makaabot sa mga hinihiling ng Diyos. Sa madaling salita, kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos at hindi alam ang Kanyang gawain, hindi sila akmang kasangkapanin ng Diyos, at lalong hindi nila magagawang palugurin ang Kanyang kalooban. Ang “paniniwala sa Diyos” ay nangangahulugan ng paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng konsepto patungkol sa paniniwala sa Diyos. Bukod pa riyan, ang paniniwala na mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na paniniwala sa Diyos; sa halip, ito ay isang uri ng simpleng pananampalataya na may matitinding kahulugang pangrelihiyon. Ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa paniniwala na ang Diyos ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang Kanyang mga salita at Kanyang gawain, inaalis ang tiwaling disposisyon ng isang tao, pinalulugod ang kalooban ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay sa buhay ang matatawag na “pananampalataya sa Diyos.” Subalit madalas ituring ng mga tao ang paniniwala sa Diyos bilang isang simple at walang-kabuluhang bagay. Nawala na sa mga taong naniniwala sa Diyos sa ganitong paraan ang kahulugan ng maniwala sa Diyos, at bagama’t maaari silang patuloy na maniwala hanggang sa kahuli-hulihan, hindi nila kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, dahil tumatahak sila sa maling landas. Mayroon pa ring mga naniniwala sa Diyos ngayon ayon sa mga titik at sa hungkag na doktrina. Hindi nila alam na wala silang diwa ng paniniwala sa Diyos, at hindi nila matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Nagdarasal pa rin sila sa Diyos para mapagpala ng kapayapaan at sapat na biyaya. Huminto tayo, patahimikin natin ang ating puso, at itanong sa ating sarili: Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos talaga ang pinakamadaling bagay sa lupa? Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap ng maraming biyaya mula sa Diyos? Talaga bang ang mga taong naniniwala sa Diyos nang hindi Siya nakikilala o naniniwala sa Diyos subalit kinakalaban Siya ay napapalugod ang kalooban ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Palaging iniisip ng ilang mga tao: “Hindi ba’t ang paniniwala sa Diyos ay isang bagay lamang ng pagdalo sa mga pagtitipon, pag-awit ng mga kanta, pakikinig sa salita ng Diyos, pananalangin, at pagtupad ng ilang mga tungkulin? Hindi ba iyan lamang lahat ang pinatutungkulan nito?” Gaano man katagal na kayong naniniwala sa Diyos, hindi pa rin kayo nakakatamo ng lubos na pagkaunawa tungkol sa kabuluhan ng paniniwala sa Diyos. Sa katunayan, ang kabuluhan ng paniniwala sa Diyos ay napakalalim kaya hindi ito naaarok ng mga tao. Sa bandang huli, ang mga bagay sa loob ng mga tao na mula kay Satanas at ang mga bagay ukol sa kanilang kalikasan ay dapat mabago at dapat maging kaayon sa mga kinakailangan ng katotohanan; tanging sa paraang ito lamang tunay na nakakamit ng isa ang kaligtasan. Kung, kagaya ng nakasanayan mo noong nasa relihiyon ka, nagsasalita ka lamang ng ilang mga salita ng doktrina o sumisigaw ng mga sawikain, at pagkatapos ay gumagawa ng kaunting mabubuting gawa, nagpapakita ng higit pang mabuting mga paggawi, at umiiwas sa paggawa ng ilang kasalanang halata, hindi pa rin ito nangangahulugan na nakatungtong ka na sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos. Ang kakayanan ba na makasunod sa mga tuntunin ay nagpapahiwatig na lumalakad ka sa tamang landas? Nangangahulugan ba ito na nakapili ka nang tama? Kung ang mga bagay sa loob ng iyong kalikasan ay hindi pa nagbago, at sa bandang huli nilalabanan mo pa rin at pinagkakasalahan ang Diyos, kung gayon ito ang pinakamalaki mong suliranin. Kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, hindi mo nilulutas ang suliraning ito, maaari ka ba kung gayong ibilang na naligtas na?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, Pagpili ng Tamang Daan ang Pinakamahalaga
Ang mga pagbabago lang sa ugali ay hindi napapanatili; kung walang pagbabago sa mga disposisyon sa buhay ng mga tao, sa malaon at madali ay magpapakita ang kanilang mapanirang bahagi. Sapagkat sigasig ang pinagmumulan ng mga pagbabago sa kanilang gawi, kakambal ng ilang gawain ng Banal na Espiritu sa panahong iyon, napakadali para sa kanila na maging maalab o magpakita ng pansamantalang kabaitan. Katulad ng sinasabi ng mga hindi naniniwala, “Madali ang paggawa ng isang mabuting gawa, ang mahirap ay ang habambuhay na paggawa ng mabubuting gawa.” Walang kakayahan ang mga tao na gumawa ng mabubuting gawa nang buong buhay nila. Ang pag-uugali ng isang tao ay pinangangasiwaan ng buhay; anuman ang kanyang buhay, gayundin ang kanyang ugali, at yaon lamang likas na naihahayag ang kumakatawan sa buhay, gayundin sa kalikasan ng isang tao. Hindi magtatagal ang mga bagay na huwad. Kapag gumagawa ang Diyos upang iligtas ang tao, hindi ito upang palamutian ang tao ng mabuting gawi—ang layunin ng gawain ng Diyos ay ang baguhin ang anyo ng mga disposisyon ng mga tao, upang sila ay muling isilang na bagong mga tao. Kaya naman, ang paghatol ng Diyos, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng tao ay pawang nagsisilbi upang baguhin ang kanyang disposisyon, upang matamo niya ang ganap na pagpapasakop at debosyon sa Diyos, at magawang normal na sambahin Siya. Ito ang layunin ng gawain ng Diyos. Ang pagpapakabait ay hindi katulad ng pagpapasakop sa Diyos, lalong hindi ito katumbas ng pagiging kaayon kay Cristo. Ang mga pagbabago sa ugali ay batay sa doktrina at bunga ng sigasig; hindi batay ang mga ito sa tunay na kaalaman sa Diyos o sa katotohanan, lalong hindi batay sa paggabay ng Banal na Espiritu. Bagama’t may mga pagkakataon na ang ilan sa ginagawa ng mga tao ay pinapatnubayan ng Banal na Espiritu, hindi ito isang pagpapahayag ng buhay, lalong hindi ito katulad ng pagkakilala sa Diyos; gaano man kabuti ang ugali ng isang tao, hindi nito pinatutunayan na nagpasakop na siya sa Diyos o na isinasagawa niya ang katotohanan. Ang mga pagbabago sa pag-uugali ay panandaliang ilusyon lamang, pagpapakita lamang ang mga ito ng sigasig. Hindi maibibilang na pagpapahayag ng buhay ang mga ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
May ilang pangunahing relihiyon sa mundo, at bawat isa ay may sariling pinuno, o lider, at ang mga alagad ay nagkalat sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa buong mundo; halos bawat bansa, malaki man o maliit, ay may iba’t ibang relihiyon sa loob nito. Gayunman, gaano man karami ang mga relihiyon sa buong mundo, lahat ng tao sa loob ng sansinukob ay umiiral sa huli sa ilalim ng patnubay ng isang Diyos, at ang kanilang pag-iral ay hindi ginagabayan ng mga pinuno o lider ng relihiyon. Ibig sabihin, ang sangkatauhan ay hindi ginagabayan ng isang partikular na pinuno o lider ng relihiyon; sa halip, ang buong sangkatauhan ay pinamumunuan ng Lumikha, na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at lumikha rin sa sangkatauhan—at ito ay totoo. Bagama’t ang mundo ay may ilang pangunahing relihiyon, gaano man kalaki ang mga ito, lahat sila ay umiiral sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at walang isa man sa kanila ang makalalampas sa saklaw ng kapamahalaang ito. Ang pag-unlad ng sangkatauhan, pagpapalit ng lipunan, pag-unlad ng mga sangay ng siyensya patungkol sa pisikal na mundo—bawat isa ay hindi maihihiwalay mula sa mga plano ng Lumikha, at ang gawaing ito ay hindi isang bagay na magagawa ng sinumang pinuno ng relihiyon. Ang isang pinuno ng relihiyon ay pinuno lamang ng isang partikular na relihiyon, at hindi maaaring kumatawan sa Diyos, ni hindi nila maaaring katawanin ang Isa na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay. Ang isang pinuno ng relihiyon ay maaaring mamuno sa lahat ng nasa loob ng buong relihiyon, ngunit hindi nila mauutusan ang lahat ng nilalang sa silong ng kalangitan—tanggap ng buong sansinukob ang katunayang ito. Ang isang pinuno ng relihiyon ay isang pinuno lamang, at hindi makakapantay sa Diyos (ang Lumikha). Lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Lumikha, at sa katapusan ay babalik silang lahat sa mga kamay ng Lumikha. Ang sangkatauhan ay ginawa ng Diyos, at anuman ang relihiyon, bawat tao ay babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos—hindi ito maiiwasan. Diyos lamang ang Kataas-taasan sa lahat ng bagay, at ang pinakamataas na pinuno sa lahat ng nilalang ay kailangan ding bumalik sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Gaano man kataas ang katayuan ng isang tao, hindi niya madadala ang sangkatauhan sa isang angkop na hantungan, at walang sinumang nagagawang ibukod ang lahat ng bagay ayon sa uri. Si Jehova Mismo ang lumikha sa sangkatauhan at ibinukod ang bawat isa ayon sa uri, at pagdating ng mga huling araw ay gagawin pa rin Niya Mismo ang Kanyang sariling gawain, na ibinubukod ang lahat ng bagay ayon sa uri—ang gawaing ito ay hindi magagawa ng sinuman maliban sa Diyos. Ang tatlong yugto ng gawaing isinagawa sa simula pa lamang hanggang ngayon ay isinagawang lahat ng Diyos Mismo, at isinagawa ng isang Diyos. Ang katunayan ng tatlong yugto ng gawain ay ang katunayan ng pamumuno ng Diyos sa buong sangkatauhan, isang katunayang hindi maikakaila ng sinuman. Sa katapusan ng tatlong yugto ng gawain, lahat ng bagay ay ibubukod ayon sa uri at babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, sapagkat sa lahat ng dako ng buong sansinukob ay nag-iisa lamang ang umiiral na Diyos na ito, at wala nang iba pang mga relihiyon. Siya na walang kakayahang lumikha ng mundo ay walang kakayahang wakasan ito, samantalang Siya na lumikha ng mundo ay siguradong kayang wakasan ito. Samakatuwid, kung ang isang tao ay walang kakayahang wakasan ang kapanahunan at tinutulungan lamang ang tao na payabungin ang kanyang isipan, siguradong hindi siya ang Diyos, at siguradong hindi siya ang Panginoon ng sangkatauhan. Wala siyang kakayahang gawin ang gayon kadakilang gawain; isa lamang ang maaaring magsagawa ng gayong gawain, at lahat ng hindi makakagawa ng gawaing ito ay siguradong mga kaaway at hindi ang Diyos. Lahat ng masamang relihiyon ay hindi nakaayon sa Diyos, at dahil hindi sila nakaayon sa Diyos, mga kaaway sila ng Diyos. Lahat ng gawain ay ginagawa ng isang tunay na Diyos na ito, at ang buong sansinukob ay inuutusan ng isang Diyos na ito. Gawain man Niya sa Israel o sa Tsina, sa Espiritu man o sa katawang-tao isinasagawa ang gawain, lahat ay ginagawa ng Diyos Mismo, at hindi magagawa ng sinupamang iba. Ito ay dahil mismo sa Siya ang Diyos ng buong sangkatauhan kaya malaya Siyang gumagawa, hindi pinipigilan ng anumang mga kundisyon—ito ang pinakadakila sa lahat ng pangitain.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos