Ang Saloobing Dapat Taglayin ng Tao sa Diyos
Upang makita kung ang isang tao ay tunay na nananampalataya sa Diyos, ang pinakamahalagang bagay ay ang obserbahan ang kanyang saloobin sa Diyos. Kung tinatrato niya ang Diyos nang may pusong natatakot at nagpapasakop sa Diyos, siya ay tunay na nananampalataya sa Diyos. Ngunit kung wala siyang takot o pagpapasakop sa Diyos, wala siyang tunay na pananampalataya. Anong saloobin ang dapat mayroon ang mga tao sa Diyos? Dapat silang matakot at magpasakop sa Kanya. Kayang hangarin at tanggapin ng mga taong may takot sa Diyos ang katotohanan. Iyong mga kayang magpasakop sa Diyos ay may kakayahang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos; sinisikap nilang palugurin ang Diyos sa lahat ng ginagawa nila. Tinataglay ng sinumang naghahangad sa katotohanan ang dalawang katangiang ito. Tiyak na mga hindi naghahangad sa katotohanan ang mga taong walang pusong may takot o pagpapasakop sa Diyos.
Paano ba dapat isagawa ang paghahangad sa katotohanan? Nararanasan ba ninyo ang gawain ng Diyos sa pang-araw-araw ninyong pagganap ng inyong tungkulin? Nanalangin na ba kayo sa Diyos kapag nahaharap sa mga problema, at kaya ba ninyong lutasin ang mga ito sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan? Nauugnay ito sa isyu ng buhay pagpasok. Kapag nagpapakita kayo ng inyong katiwalian habang gumaganap kayo ng inyong tungkulin, nagagawa ba ninyong pagnilayan ang inyong sarili at lutasin ang problema ng inyong tiwaling disposisyon alinsunod sa mga salita ng Diyos? Kung hindi ninyo ito maisagawa at maranasan sa ganitong paraan, wala itong kinalaman sa pananalig sa Diyos. Anumang tungkulin ang ginagampanan mo o anuman ang ginagawa mo, dapat mong subukang arukin kung aling mga aspekto ng mga salita ng Diyos ang may kinalaman dito, pati na rin ang sarili mong mga kaisipan, opinyon, o maling layunin, na mga bahaging lahat ng kalagayan ng tao. Ano ang kabilang sa kalagayan ng tao? Kabilang dito ang mga paninindigan, saloobin, layunin, at pananaw ng mga tao, gayon din ang ilang satanikong pilosopiya, lohika, at kaalaman—at ang lahat ng bagay na ito, sa madaling sabi, ay nauugnay sa mga karaniwang kalakaran at pamamaraan ng pagkilos at pagtrato ng mga tao sa iba. Kapag nahaharap sa isang sitwasyon, dapat munang suriin ng isang tao kung ano ang kanyang pananaw—ito ang unang hakbang. Ang ikalawang hakbang ay ang suriin kung tama ba ang pananaw na iyon. Kung gayon, paano dapat tukuyin ng isang tao kung tama ba o hindi ang kanyang pananaw? Ito ay minsanang tinutukoy sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at muling tinutukoy alinsunod sa mga prinsipyo ng uri ng sitwasyong pinag-uusapan. Halimbawa, ang mga pagsasaayos ng gawain, interes, at patakaran ng sambahayan ng Diyos, gayundin ang mga hayagang salita ng Diyos—gamitin ang mga bagay na ito upang matukoy kung tama ba ang isang pananaw. Ang mga ito ang mga pamantayan sa pagsukat. Sinusuri ba ninyo ang mga pananaw ninyo kapag nahaharap kayo sa isang sitwasyon? Kaya mo mang tukuyin ang mga ito o hindi, ang unang hakbang ay na dapat kang magsagawa sa ganitong paraan. Anuman ang ginagawa ng mga tao, lahat sila ay may isang tiyak na pananaw tungkol dito. Paano nabubuo ang pananaw na ito? Ito ay kung ano ang tingin mo sa sitwasyon, kung saan mo ibinabase ang iyong perspektiba, kung paano mo pinaplanong pangasiwaan ito, at kung saan mo ibinabase ang pamamaraan mo sa pangangasiwa nito. Ang lahat ng ito ay bahagi ng pananaw mo. Halimbawa, ano ang palagay mo sa katiwalian ng sangkatauhan? Saan nakabatay ang iyong perspektiba? Paano mo hinaharap ang isyung ito? Ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa mga pananaw ng isang tao sa mga bagay. Ito ay totoo rin sa pananaw ng isang tao sa isang bagay; anuman ang sitwasyon, may pananaw ang bawat tao sa likod ng kanilang saloobin at pamamaraan ng pangangasiwa sa bawat bagay. Ang pananaw na ito ang gagabay at mamamahala kung paano sila kikilos. At ang pinagmulan ng pananaw na ito ang tumutukoy kung ito ba ay tama o mali. Halimbawa, kung ang pananaw mo ay batay sa satanikong pilosopiya at lohika, at ang layunin sa likod ng pananalita mo ay ang magkamit ng katanyagan at karangalan, ang makilala at maunawaan ka ng mas maraming tao, at ang maalala at matanggap ka ng mas maraming tao, ito ang panimulang punto mo sa pagkilos. Kung mayroon kang maling layunin na gaya nito, ang mga pananaw at pamamaraan na uusbong mula rito ay siguradong magiging mali rin at tiyak na hindi alinsunod sa katotohanan. Kapag nakabubuo ka ng mga maling pananaw, saloobin, at pamamaraan, kaya mo bang matukoy ang mga ito? Kung kaya mong suriin ang pagiging tama o mali ng mga ito, natutupad mo ang isang pangunahing kondisyon sa pagtugon sa mga layunin ng Diyos; ngunit hindi ito ang lubos na kondisyon. Ano ang lubos na kondisyon? Kapag nasuri mo na mali ang mga pananaw mo, kapag mayroon kang mga maling layunin at personal na mga plano at ninanasa, ano ang magagawa mo upang hindi ka kumilos nang alinsunod sa mga maling pananaw na ito? Kinakailangan dito na bitiwan mo ang mga maling layunin at pananaw mo, at, kasabay nito, na hangarin mo ang katotohanan. Dahil alam na alam mong mali ang mga pananaw mo, na ang mga ito ay hindi umaayon sa katotohanan ni sa mga layunin ng Diyos, na kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito, samakatuwid ay dapat kang maghimagsik laban sa mga ito. Ano ang layon ng paghihimagsik laban sa laman? Ito ay ang gawin ang mga bagay nang alinsunod sa mga layunin ng Diyos, ang gawin ang mga bagay na naaayon sa katotohanan, at sa gayong paraan ay maisagawa ang katotohanan. Gayunman, kung hindi mo magawang maghimagsik sa mga maling pananaw mo, hindi mo maisasagawa ang katotohanan o maisasabuhay ang katotohanang realidad; ang ibig sabihin nito, ang nauunawaan mo ay doktrina lang. Ang mga bagay na sinasabi mo ay hindi makapipigil sa pag-uugali mo, makagagabay sa mga kilos mo, o makapagtatama sa mga maling pananaw mo, na lalo pang nagpapatunay na ito ay doktrina lang. Samakatuwid, ang unang hakbang ay ang siyasatin ang mga pananaw mo. Ang ikalawang hakbang ay ang sukatin kung tama ba ang mga pananaw na iyon: Ang mga maling pananaw ay dapat na paghimagsikan at iwaksi; ang mga tamang pananaw ay dapat na sundin at panindigan. Saan kayo nahihirapan ngayon? Sa isang banda, bihirang-bihira mong suriin ang sarili mo, hindi mo ito nakagawian. Sa kabilang banda, kahit kapag sinusuri mo ang sarili mo, hindi mo alam kung tama ba o hindi ang mga layunin at pananaw mo. Tila parehong tama at hindi tama ang mga ito sa iyo, kaya sa huli ay nalilito at naguguluhan ka, at ginagawa mo ang mga bagay sa sarili mong paraan—ito ay isang uri ng sitwasyon. Ano pang ibang sitwasyon ang mayroon? (Minsan ay natutukoy ko ang sarili kong mga layunin at pananaw, at nais kong maghimagsik sa mga ito, ngunit hindi ko kayang mapagtagumpayan ang tiwaling disposisyon ko. Kaya nagkokompromiso ako, nangangatwiran at nagdadahilan upang mapagbigyan ang sarili ko. Nabibigo akong magsagawa kapag nagkagayon, at nagsisisi ako pagkatapos.) Ipinakikita nito na wala kang sapat na pusong nagpapasakop sa katotohanan at nagmamahal sa katotohanan. Kung ang puso ng isang tao ay lubos na minamahal ang katotohanan, madalas niyang mapagtatagumpayan ang ilan sa kanyang mga maling layunin at pananaw, at magagawang labanan ang mga ito. Siyempre, may ilang espesyal na sitwasyon kung saan karamihan ng mga tao ay nahihirapan itong mapagtagumpayan. Normal lang kung hindi mo rin pa ito napagtagumpayan. Ngunit kung ang karamihan ng karaniwang tao ay kaya itong mapagtagumpayan, ngunit para sa iyo ay napakahirap nito, ano ang pinatutunayan nito? Ipinakikita nito na hindi malaki ang pagmamahal mo sa katotohanan, at ang pagsasagawa ng katotohanan ay sadyang hindi ganoon kahalaga sa iyo. Ano ang mahalaga sa iyo? Ang maipagpatuloy ang mga sarili mong pananaw, mapanatag ang sarili mong isip, mapalayaw ang sarili mong mga pagnanais—ang mga ito ang mahalaga sa iyo. Ang pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos, ang pagsasagawa ng katotohanan, ang pagpapalugod sa puso ng Diyos, at ang pagpapasakop sa Diyos—wala sa mga ito ang mahalaga sa puso mo. Ibinubunyag nito ang mga panloob na layunin mo at ang mga pananaw na mayroon ka.
Ano ang pangunahing bumubuo sa kalagayan ng isang tao? (Ang kanyang mga layunin, paninindigan, at pananaw.) Pangunahing kinabibilangan ng mga bagay na ito ang kanyang kalagayan. Ano ang pinakakaraniwan sa mga kalagayan ng mga tao? Lumalabas ito madalas sa puso ng mga tao kapag nahaharap sila sa isang bagay, at sadyang nakikilala nila ang isang bagay na ito sa kanilang mga kaisipan—ano sa palagay ninyo ito? (Ang kanilang mga layunin.) Tama, iyan nga. Ang mga layunin ay malinaw na bahagi ng kalagayan ng mga tao, at isa sa pinakakaraniwan; sa karamihan ng mga bagay, may sariling mga iniisip at layunin ang mga tao. Kapag nagkakaroon ng gayong mga iniisip at layunin, iniisip ng mga tao na lehitimo ang mga iyon, ngunit kadalasan ay para sa sarili nilang kapakanan ang mga iyon, para sa sarili nilang kapalaluan at mga interes, o kaya naman ay para pagtakpan ang isang bagay, o para bigyang-kasiyahan ang kanilang sarili sa kung anong paraan. Sa gayong mga pagkakataon, kailangan mong suriin kung paano nabuo ang iyong layunin, kung ano ang nagsanhi nito. Halimbawa, hiniling sa iyo ng sambahayan ng Diyos na gawin ang gawain ng iglesia na pag-aalis, at may isang indibidwal na matagal nang pabasta-basta sa kanyang tungkulin, laging naghahanap ng mga pagkakataon para magpabaya. Ayon sa prinsipyo, dapat alisin ang taong ito, ngunit maganda ang relasyon mo sa kanya. Kaya anong uri ng mga kaisipan at layunin ang papasok sa isipan mo? Paano ka magsasagawa? (Kikilos ayon sa sarili kong mga kagustuhan.) At ano ang nagsasanhi ng mga kagustuhang ito? Dahil ang taong ito ay naging mabuti sa iyo o nakagawa ng mga bagay para sa iyo, maganda ang tingin mo sa kanya, kung kaya sa pagkakataong ito ay nais mo siyang protektahan, at ipagtanggol. Hindi ba’t ito ang epekto ng mga damdamin? Nagiging emosyonal ka sa kanya, kung kaya ginagamit mo ang pamamaraan na “Samantalang may mga patakaran ang mga nakatataas na awtoridad, may mga panlaban na hakbang naman ang mga lokalidad.” Nandaraya ka. Sa isang banda, sinasabi mo sa kanya na, “Kailangan mo pang magsikap nang kaunti kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay. Huwag kang maging pabasta-basta, kailangan mong magdanas ng kaunting hirap; tungkulin natin ito.” Sa kabilang banda, tumutugon ka sa Itaas at sinasabi mong, “Nagbago na siya, mas epektibo na siya ngayon kapag gumaganap siya sa kanyang tungkulin.” Ngunit ang nasa isip mo talaga ay, “Ito ay dahil hinikayat ko siya. Kung hindi ko iyon ginawa, magiging katulad pa rin siya ng dati.” Sa iyong isipan, lagi mong iniisip na, “Naging mabait siya sa akin, hindi siya puwedeng paalisin!” Anong kalagayan ito kapag gayon ang mga bagay na nasa layunin mo? Pinipinsala nito ang gawain ng iglesia sa pamamagitan ng pagpoprotekta sa personal na emosyonal na mga relasyon. Naaayon ba ang ganitong pagkilos sa mga katotohanang prinsipyo? At mayroon bang pagpapasakop sa paggawa mo nito? (Wala.) Walang pagpapasakop; may paglaban sa puso mo. Sa mga bagay na nangyayari sa iyo at sa gawaing dapat mong gawin, ang mga sarili mong ideya ay nagtataglay ng mga subhetibong panghuhusga, at may mga emosyonal na aspektong nakahalo rito. Ginagawa mo ang mga bagay-bagay batay sa mga damdamin, subalit naniniwala ka pa rin na kumikilos ka nang walang kinikilingan, na binibigyan mo ang mga tao ng pagkakataong magsisi, at na tinutulungan mo sila nang may pagmamahal; kaya ginagawa mo ang nais mo, hindi ang sinasabi ng Diyos. Ang paggawa sa ganitong paraan ay nakababawas sa kalidad ng gawain, nakababawas sa pagiging epektibo nito, at nakapipinsala sa gawain ng iglesia—na pawang mga resulta ng pagkilos ayon sa mga damdamin. Kung hindi mo susuriin ang iyong sarili, matutukoy mo ba ang problema rito? Hindi kailanman. Maaaring alam mo na mali ang kumilos nang ganito, na kawalan ito ng pagpapasakop, ngunit pinag-iisipan mo ito at sinasabi mo sa sarili mo na, “Kailangan ko silang tulungan nang may pagmamahal, at pagkatapos silang matulungan at mas bumuti sila, hindi na sila kailangan pang paalisin. Hindi ba’t binibigyan ng Diyos ang mga tao ng pagkakataong magsisi? Mahal ng Diyos ang mga tao, kaya kailangan ko silang tulungan nang may pagmamahal, at kailangan kong gawin ang hinihiling ng Diyos.” Matapos isipin ang mga bagay na ito, ginagawa mo ang mga bagay-bagay sa sarili mong paraan. Pagkatapos, gumagaan ang puso mo; nadarama mo na isinasagawa mo ang katotohanan. Sa prosesong ito, nagsagawa ka ba ayon sa katotohanan, o kumilos ka ayon sa sarili mong mga kagustuhan at layunin? Ang iyong mga kilos ay lubos na ayon sa sarili mong mga kagustuhan at layunin. Sa buong proseso, ginamit mo ang diumano’y kabaitan at pagmamahal mo, gayon din ang mga damdamin at mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, para lang maging maayos ang lahat, at sinubukan mong umiwas sa pagpapasya. Tila tinulungan mo ang taong ito nang may pagmamahal, ngunit sa puso mo ay pinipigilan ka talaga ng damdamin—at, sa takot na matuklasan ng Itaas, sinikap mong magpalakas sa Itaas at sa tao na ito sa pamamagitan ng kompromiso, upang walang mapasama na loob at matapos ang gawain—na katulad ng pagsubok ng mga walang pananampalataya na umiwas sa pagpapasya. Sa katunayan, paano kinikilatis ng Diyos ang sitwasyong ito? Ikaklasipika ka Niya bilang isang taong hindi nagpapasakop sa katotohanan, na madalas na nagtataglay ng isang mapagsiyasat at mapanuring saloobin sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos. Anong papel ang ginagampanan ng iyong layunin kapag hinaharap mo ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos gamit ang pamamaraang ito, at kapag ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin taglay ang saloobing ito? Nagsisilbi ito para protektahan ang mga sarili mong interes, ang sarili mong karangalan, at ang iyong mga relasyong interpersonal nang walang anumang pagsasaalang-alang sa mga hinihingi ng Diyos, ni hindi ito nagkakaroon ng anumang positibong epekto sa mga sarili mong tungkulin o sa gawain ng iglesia. Ganap na nabubuhay ang gayong tao sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Ang lahat ng sinasabi at ginagawa niya ay para pangalagaan ang sarili niyang karangalan, damdamin, at mga relasyong interpersonal, subalit wala siyang tunay na pagpapasakop sa katotohanan at sa Diyos, ni hindi niya tinatangkang ipahayag o aminin ang mga problemang ito. Wala siyang nararamdamang kahit katiting na paninisi sa sarili at nananatiling ganap na ignorante sa kalikasan ng mga problema. Kung ang mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso, at kung walang puwang ang Diyos sa puso nila, hindi nila kailanman makakayang kumilos nang naaayon sa prinsipyo anuman ang mga tungkuling ginagampanan nila o anuman ang mga problemang kinahaharap nila. Walang kakayahang pumasok sa katotohanang realidad ang mga taong nabubuhay sa kanilang mga layunin at makasariling pagnanais. Dahil dito, kung nahaharap sila sa isang problema, at hindi nila sinusuring mabuti ang kanilang mga layunin at hindi nagagawang makilala kung ano ang mali sa kanilang mga layunin, subalit sa halip ay ginagamit nila ang lahat ng uri ng pangangatwiran para gumawa ng mga kasinungalingan at pagdadahilan para sa kanilang sarili, ano ang nangyayari sa huli? Medyo maayos nilang napoprotektahan ang mga sarili nilang interes, karangalan, at relasyong interpersonal, subalit nasisira ang normal na relasyon nila sa Diyos. May ilang tao na nananalig sa Diyos nang mahabang panahon, subalit kapag sinasabihang magbahagi ng ilan sa kanilang personal na karanasan, wala silang masabi, hindi sila makapagbahagi ng anumang patotoong batay sa karanasan kaugnay sa kanilang pagbabagong disposisyonal. Ano ang sanhi nito? Bihirang-bihira nilang sinusuri ang kanilang sarili, at bihirang-bihira silang nagsasagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Sa halip ay mas gusto nilang tahakin ang sarili nilang landas, nabubuhay sa isang tiwaling disposisyon, ginagabayan ang mga kilos nila ng mga sarili nilang layunin, pananaw, at mga plano, habang patuloy silang hindi nagsisisi. Ang Diyos ang pinananaligan nila, at ang mga salita ng Diyos ang pinakikinggan nila; ang katotohanan ang tinatanggap nila, at ang katotohanan din ang ibinabahagi at ipinangangaral nila—subalit ano ba talaga ang isinasagawa nila? Nagsasagawa sila alinsunod lang sa mga sarili nilang layunin at imahinasyon, hindi alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Kaya, ano ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos? Paano nila tinatrato ang mga hinihingi ng Diyos? Sa aling aspekto ng pagdanas ng gawain ng Diyos dapat na maging pinakamaingat ang mga tao? Paano nila dapat na danasin ang mga salita ng Diyos at isagawa ang katotohanan—ito ang pinakamahalagang isyu. Kung ang isang tao, pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos at makinig sa mga sermon, ay hindi isinagawa ang mga ito, nananalig ba talaga siya sa Diyos? Talaga bang dinaranas niya ang Kanyang gawain? Bakit hindi siya nagiging maingat kung saan dapat siyang maging maingat? Bakit niya pinagdududahan ang Diyos at pinagdududahan ang mga salita ng Diyos gayong dapat ay isinasagawa niya ang katotohanan? “Bakit may mga ganitong hinihingi ang Diyos? Naaayon ba ang mga ito sa Kanyang mga salita? Pag-ibig pa rin ba ang Diyos kung humihingi Siya nang ganito? Ang pagkakaroon ng mga ganitong hinihingi ay tila hindi isang bagay na gagawin Niya, hindi ba? Hindi ko ito matatanggap. Walang konsiderasyon ang mga hinihingi ng Diyos, sumasalungat ang mga ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao.” Sabihin mo sa Akin, magagawa ba ng isang taong tumitimbang sa mga bagay-bagay na ito na tanggapin ang katotohanan? (Hindi.) Hindi ito ang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan. Ang pagsukat at pagharap sa mga hinihingi ng Diyos nang may ganitong saloobin at mga layunin—ito ba ay pagbubukas o pagsasara ng puso ng isang tao sa Diyos? (Pagsasara.) Hindi ito saloobin ng pagtanggap, kundi ng paglaban. Pagdating sa mga hinihingi ng Diyos, nagsusuri muna ang gayong mga tao at ngumingisi pa ang ilan sa kanila: “Hindi gaanong nakikipag-ugnayan ang Diyos sa mga kapatid sa iglesia; hindi Niya alam ang mga gawain sa iglesia. Hindi ba’t masyadong dogmatikong pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay-bagay? Hindi natin ginagawa nang ganito ang mga bagay-bagay. Ginagawa natin ang mga bagay-bagay batay sa mga sitwasyon ng mga kapatid, pinagkakalooban sila ng mga oportunidad. At bukod pa riyan, dapat na maging mauunawain ang nagkatawang-taong Diyos sa kahinaan ng tao! Kung hindi Siya magiging mauunawain, tayo ang magiging mauunawain. May ilang bagay na hindi binibigyan ng pagsasaalang-alang ng Diyos, subalit bibigyang-pagsasaalang-alang natin ang mga ito.” Anong uri ng saloobin ang tinataglay nila? Ito ay saloobin na lumalaban, humuhusga, at kumokondena. Isinasailalim nila ang mga bagay-bagay sa pagsusuri at pagkatapos ay hinuhusgahan nila ang mga ito. At paano sila humuhusga? Sinasabi nilang, “Anuman ang kaso, matuwid ang Diyos, at ang Diyos ang pinananaligan ko, hindi ang isang tao. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao.” Ano ang ibig sabihin nito? (Itinatanggi nila ang nagkatawang-taong Diyos.) Tama iyan. Sa puso nila, itinatanggi nila si Cristo, ipinahihiwatig na ang mga salita ng Cristo ay hindi talagang kumakatawan sa Diyos. Kung saan sumasalungat o lumalabag ang mga kilos at salita ni Cristo sa mga sarili nilang interes, layunin, at pananaw, tinatanggihan nila ang Diyos. “Anu’t-anuman, sa Diyos ako nananalig, at matuwid ang Diyos. Sinisiyasat Niya ang kaibuturan ng puso ng mga tao.” Ano ang mga pahayag na ito? Mga panghuhusga ba ang mga ito? Ano ang kalikasan ng mga pahayag na ito? (Kalapastanganan.) Ang pag-uusap tungkol sa mga tao sa likod nila ay panghuhusga. Ang pagsasalita nang tungkol sa Diyos sa likuran Niya ay hindi lang panghuhusga; kalapastanganan ito. Maaari bang maging mga tunay na mananampalataya ang mga taong may kakayahang lapastanganin ang Diyos? Mga tao ba sila na may konsensiya at katwiran? Mga tao ba silang ililigtas ng Diyos? Ang mga taong ito ay pawang mga alipores ni Satanas, masasamang tao sila, at dapat silang tanggihan at itiniwalag.
Sa mga iglesia, may mga pagpapamalas ba ng pamumuna sa Diyos at panghuhusga sa Kanyang gawain? Hindi laganap ang mga ito, subalit talagang nangyayari ang mga ito, dahil sa kahit saang iglesia ay umiiral ang ilang hindi mananampalataya at masasamang tao. Ngayon, sa mga partikular na pangyayari, maaari bang lumitaw ang ganitong klase ng kalagayan sa puso niyong mga tunay na nananalig sa Diyos? Kung lumilitaw sa inyo ang mga bagay tulad ng panghuhusga, paglaban, at panlalapastangan, ano ang inyong panloob na tugon? Naaarok ba ninyo ang malubhang kalikasan ng problema? Halimbawa, sabihin nating hindi ka kailanman nag-asawa, subalit nasa isang angkop na kapaligiran ka at may nakilalang isang mainam na potensiyal na kapareha na gusto mong makatipan. Bagaman dati ka nang nangako sa Diyos na iaalay mo ang iyong buong buhay sa Kanya at hindi ka maghahanap ng isang kapareha, sa puso mo ay may mabuting damdamin ka pa rin sa taong ito, kaya’t nagpasya kang makipagtipan sa kanya. Subalit pagkatapos makipagtipan ay natuklasan mong may napakaraming balakid, at napagtanto mong hindi angkop na makipagtipan sa kanya, at hindi ito pinahihintulutan ng Diyos. Gusto mo siyang isuko, subalit hindi mo siya kayang pakawalan, kaya nanalangin ka sa Diyos at sinumpa mo at naghimagsik ka sa iyong sarili, at sa huli ay naghiwalay kayong dalawa. Pagkatapos ng hiwalayan, nalugmok ka sa matinding paghihirap ng isipan. Normal ito. Ito ang normal na kahinaan ng pagkatao. Subalit hindi ka dapat magreklamo tungkol sa Diyos. Magagawa ba ng karamihan ng tao na pagdaanan ang ganitong karanasan at hindi magreklamo tungkol sa Diyos? Hindi ito magagawa ng karamihan, at sinasalamin nito ang saloobin nila sa katotohanan at sa Diyos. Anong mga maling kaisipan ang karaniwang taglay ng isang tao para sisihin niya ang Diyos sa isang sitwasyong tulad nito? (Kung hindi ako nananalig sa Diyos, makahahanap ako ng isang kapareha.) Malaking problema ba ang kaisipang tulad nito? Tila ayaw niyang manalig sa Diyos, ninanais niyang sumuko. Iniisip niyang: “Bakit kailangan kong piliin ang landas ng pananalig sa Diyos? Magiging napakahusay ang hindi pananalig sa Diyos, magagawa ko ang anumang gustuhin ko. Hindi madaling makahanap ng gayong kaangkop na kapareha; kung palalampasin ko siya ngayon, hindi magtatagal at magiging masyado na akong matanda para magustuhan ng sinuman. Hindi na ba dapat ako muling maghanap ng sinuman? Ganito ko ba gugugulin ang nalalabi kong buhay?” Nakararamdam siya ng pagiging negatibo at panghihinayang, maging hanggang sa punto na ayaw nang manalig ng taong ito. Pagpapamalas ang mga ito ng paghihimagsik at pagkakanulo sa Diyos. Subalit hindi ito ang pinakaseryoso. Anong mga kaisipan ang mas seryoso kaysa rito? Naranasan na ba ninyo ang ganitong bagay? (Hindi.) Medyo mapanganib ang hindi pagdanas nito. Iyong mga nakaranas na ng gayong mga bagay ay nagagawang makita ang ilang partikular na aspekto ng mga ito nang malinaw; mas ligtas sila, bagaman hindi ito ganap na garantiya. Hindi maliit na bagay lang ang tuksong hinaharap niyong mga walang gayong karanasan. Dapat silang maging mapagbantay, dahil malingat lang sila sa pagbabantay at madadarang sila sa tukso! Iniisip ng ilang tao na: “Mabuting isilang sa mga huling araw at mapili ng Diyos. Bukod pa rito, bata ako, walang mga pakikisangkot sa pamilya, kaya malaya kong magagampanan ang aking mga tungkulin—biyaya ito ng Diyos. Sayang at may isang disbentahe lang, iyon ay na kahit makatagpo ako ng isang naaangkop na kapareha, hindi ko siya maaaring hangarin at hindi maaaring mag-asawa. Subalit bakit hindi ako maaaring humanap ng mapapangasawa? Kasalanan ba ang pag-aasawa? Hindi ba’t maraming kapatid ang may asawa at mga anak? At hindi rin ba sila nananalig sa Diyos? Bakit hindi ako pinahihintulutang maghanap ng isang kapareha? Hindi matuwid ang Diyos!” Lumalabas ang panghuhusga nila sa Diyos at kawalan ng kasiyahan sa Kanya. Napagpasiyahan na nila na ang lahat ng ito ay kagagawan ng Diyos, na galing ang lahat ng ito sa Diyos, kaya naghihinanakit sila sa Kanya at nagrereklamo: “Sobrang hindi patas ng Diyos sa akin! Napakawala Niyang konsiderasyon! Maaaring mag-asawa ang ibang tao, bakit ako hindi? Maaaring magkaroon ng mga anak ang ibang tao, bakit ako hindi? Binibigyan ng Diyos ng ganitong pagkakataon ang ibang tao, bakit hindi Niya ito ibinibigay sa akin?” Lumalabas ang mga reklamo at paghuhusga. Anong kalagayan ito? (Isang kalagayang lumalaban at sumasalungat.) Lumalaban, hindi nasisiyahan, nag-aatubili. Walang ni katiting na balak na tanggapin o magpasakop sa ginagawa ng Diyos; hinihiling niya na iba ang gawin ng Diyos. Gayunman, nag-aatubili pa rin siyang piliin na mag-asawa, natatakot na kung mag-aasawa siya at magkaroon ng mga pakikisangkot, hindi siya magiging kasinglaya at hindi na magagawang gampanan nang maayos ang kanyang tungkulin, sa gayon ay pipigil sa kanyang mailigtas kalaunan at makapasok sa kaharian ng langit. Kung gayon, ano ang gagawin niya sa gayong panghihinayang? Ang totoo, ito ang landas na ikaw mismo ang pumili. Binibigyan ng Diyos ng malayang kalooban ang mga tao. Maaari kang pumili, kung gusto mong humanap ng isang kapareha at mag-asawa o maghangad ng katotohanan at kaligtasan. Ganap itong isang personal na desisyon; walang kaugnayan sa Diyos kung pumili ka man nang tama o hindi, kaya’t bakit nagrereklamo ka tungkol sa Kanya? Bakit nagrereklamo kang hindi Siya matuwid? Bakit napakarami mong reklamo? (Dahil hindi natugunan ang mga sarili kong interes.) Kapag nasasaling ang mga sarili mong interes, hindi ka nasisiyahan sa iyong kalooban. Pakiramdam mo ay nawalan ka, kaya’t sinisisi mo ang Diyos at naghahanap pa ng mga dahilan para maglabas ng iyong sama ng loob. Anong uri ng disposisyon ito? (Isang malisyosong disposisyon.) Pagiging malisyoso ito. Ang paninisi sa Diyos, pagrereklamo na hindi Siya matuwid, at pagrereklamo na ang Kanyang mga pagsasaayos ay hindi naaangkop sa tuwing hindi natutugunan ang mga sariling interes ng isang tao—ito ay isang disposisyon na malisyoso at mapagmatigas, at hindi mapagmahal sa katotohanan. Paano lumilitaw ang mga kalagayan at kaisipang ito sa mga tao? Kung hindi dahil sa mga sitwasyong ito, lilitaw at mahahayag pa rin ba ang mga bagay na ito? (Hindi.) Kapag hindi ka nahaharap sa gayong sitwasyon, hindi magkakasagupa ang mga nauugnay mong interes sa mga hinihingi ng Diyos at hindi makokompromiso sa anumang paraan ang iyong mga interes, kaya iniisip mo na mas mainam at mas malakas ang pagmamahal at paghahangad mo sa Diyos kaysa sa lahat ng iba pa. Subalit kapag nahaharap ka sa ganitong sitwasyon at nasasangkot ang iyong mga interes, hindi mo magawang bitawan ang iyong mga interes, kaya’t nagrereklamo ka tungkol sa Diyos. Ano ang makikita sa isyung ito? Ano itong madalas na nagdudulot sa mga tao na magreklamo tungkol sa at husgahan ang Diyos? (Kapag hindi natutugunan ang mga sarili nilang interes.) Kapag nasasaling ang mga sarili nilang interes, kapag hindi natutugunan ang mga sarili nilang layunin, pagnanais, at plano, nilalabanan, hinuhusgahan, at nagrereklamo ang mga tao tungkol sa Diyos at maaari pa ngang silang manlapastangan. Ang totoo, ang panghuhusga mismo ay isang uri ng kalagayang lumalaban; mas lalo pang seryoso ang panlalapastangan. Kapag nasasaling ang kanilang mga interes, habang mas lalo nila itong iniisip ay mas lalo silang nagagalit, mas lalo silang hindi nasisiyahan, at mas lalo silang nakararamdam na ginawan sila ng pagkakamali. Nagsisimula silang lumaban, at nang may mga ganitong pag-iisip sa kanilang isipan, nagsisimula silang magreklamo at manghusga. Ito ay tanda ng pagsalungat sa Diyos.
Ano ang ilang kongkretong pagpapamalas ng paglaban ng isang tao sa Diyos? (Ang hindi masigasig na paggawa sa tungkulin ng isang tao; pagiging pabasta-basta sa kanyang tungkulin.) Ito ay isang aspekto. Dati, nagagawa ng taong ito na ilaan ang 70 porsyento o 80 porsyento ng kanyang lakas sa pagganap ng kanyang tungkulin at ilaan ang kanyang sarili sa anumang ginagawa niya, subalit ngayon ay nagkikimkim siya ng mga kaisipan tungkol sa Diyos, at pakiramdam niya ay hindi siya nakatanggap ng mga pagpapala o biyaya ng Diyos sa kabila ng pagganap niya ng kanyang tungkulin. Hindi lang niya hinuhusgahan ang Diyos bilang hindi matuwid, nag-aalangan din siya sa kanyang puso, kaya 10 porsyento o 20 porsyento lang ang ibinibigay niyang pagsisikap kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, kumikilos nang ganap na pabasta-basta. Isa itong uri ng pag-uugaling lumalaban na dulot ng isang mapanghimagsik na kalagayan. Ano pa ang mayroon doon? (Walang ingat na pag-aabandona.) Paano ito naipamamalas? Halimbawa, sabihin nating ang isang tao, kapag gumaganap bilang lider ng isang grupo, ay nasanay nang gumigising ng alas-singko nang umaga para sa isang pang alas-otso na pagtitipon para magdasal, maging abala sa mga espirituwal na debosyon, at maghanda. Pagkatapos ay itatala niya ang nilalaman na pagbabahaginan sa pagtitipon. May seryoso siyang saloobin sa pagganap ng tungkulin, ganap na inilalaan ang kanyang sarili rito. Gayunman, pagkatapos minsang mapungusan, nagsimula siyang mag-isip: “Ano ang saysay ng paggising nang maaga? Hindi ito nakikita ng Diyos, at walang pumupuri sa akin para dito. Wala ni isang tao na nagsasabing tapat kong ginagawa ang aking tungkulin. Bukod pa rito, palagi akong pinupungos sa kabila ng aking pagsusumikap. At ni hindi ako nakatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos; tila nanganganib din maging ang mga gantimpala sa hinaharap.” Kaya, sa susunod na pagtitipon ay hindi na siya maagang maghahanda o masiglang magbabahagi, at hindi na siya mag-iingat ng mga tala. Anong saloobin ito? (Isang iresponsableng saloobin.) Siya ay iresponsable at pabasta-basta, at hindi na gustong ilaan ang kanyang buong puso at lakas. Bakit ganito siya? May isang bagay sa kalooban niya na nagdudulot ng problema. Lumalaban at nakikipagtalo siya sa Diyos, iniisip na: “Nabalisa ako dahil sa pagpupungos mo sa akin, kaya’t ganito na lang ang pagtrato ko sa iyo. Inilalaan ko dati ang aking buong puso at pag-iisip, subalit hindi ako sinang-ayunan ng Diyos. Hindi makatarungang tinatrato ng Diyos ang mga tao, kaya’t hindi ko na gagawin ang lahat ng aking makakaya para gampanan ang aking tungkulin!” Anong disposisyon ito? Lumalabas ang kanyang kalupitan; itinatanggi niya sa kanyang puso ang pagiging matuwid ng Diyos, itinatanggi na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao, itinatanggi na tunay na minamahal ng Diyos ang tao, itinatanggi ang diwa ng Diyos, at tinatrato ang Diyos batay lang sa mga sarili niyang kuru-kuro. Anong mga saloobin ang lumilitaw sa pagtrato sa Diyos nang ganito? Kapabayaan, walang ingat na pag-aabandona, at pagiging iresponsable, gayundin ang mga pagrereklamo at maling pagkaunawa. Ipinalalaganap pa niya ang kanyang mga kuru-kuro, sinusulsulan ang iba na: “Ang pananalig sa Diyos ay hindi nagbibigay-katiyakan na makatatanggap ka ng mga pagpapala. At ano nga ba ang mga pagpapala? May nakakita na ba sa mga ito? Tinatahak nating lahat ang landas ni Pablo; ilan sa atin ang kayang maging tulad ni Pedro? Suwertehin ka sanang perpektuhin ng Diyos.” Ano itong ipinalalaganap niya? Ang kanyang panghuhusga at mga kuru-kuro sa Diyos, gayundin ang kawalang-kasiyahan niya sa Diyos. Ano ang kalikasan ng saloobing ito? Komprontasyonal ba ito? (Oo.) Bakit nagiging masyado siyang komprontasyonal? Dahil mali ang mga pinanghahawakan niyang pananaw. Mali ang pagkakaunawa niya sa saloobin ng Diyos sa mga tao, sa mga hinihingi Niya sa kanila, at sa pagharap Niya sa kanila—wala siyang pagkaunawa sa mga bagay na ito. Kapag kumikilos ang Diyos sa kanya, hindi niya kayang tumanggap at magpasakop, ni hindi niya kayang hanapin ang katotohanan. Ano itong sa wakas ay lumilitaw dahil dito? Ang paglaban, panghuhusga, pagkondena, at panlalapastangan. Ang lahat ng may tiwaling disposisyon ay natural na magpapakita ng mga ito; ang tanging kaibahan ay kung gaano kalala. Ganap na hindi ito isang kaso na ang masasamang tao lang ang umaasal nang ganito. Sumasang-ayon ba kayo? (Oo. Ang lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan ay umaasal nang ganito.) Tama iyan. Ang lahat ng taong hindi naghahangad sa katotohanan at iyong mga may makamandag na pagkatao ay nagpapakita at nagbubunyag ng mga katangiang ito sa magkakaibang antas. Iyong mga mas masigasig sa paghahangad sa katotohanan ay lilikha rin ng mga abnormal na kalagayan kapag may hindi kanais-nais na nangyayari sa kanila, subalit mapanunumbalik nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagdarasal, pagsusuri sa kanilang sarili laban sa mga salita ng Diyos, at paghahanap sa katotohanan. Pagkatapos mapanumbalik ang kanilang sarili, magkakaroon ng pagsisisi, na magpapahintulot sa kanilang tigilan ang maling pagkakaunawa sa Diyos at magkaroon ng kaunting pagpapasakop. Bagaman ang pagpapasakop na ito minsan ay may ilang karumihan, medyo pilit, o medyo hindi nakatutugon sa pamantayan, hangga’t handa silang magpasakop at makapagsasagawa pa ng kaunting katotohanan, unti-unti silang magkakamit ng kaliwanagan tungkol sa lahat ng aspekto ng katotohanan. Subalit kung wala kang anumang pagnanais na magpasakop, at kung kahit matapos mong suriin ang iyong sarili at mapagtanto ang problemang ito ay hindi mo hinahanap o tinatanggap ang katotohanan—mas lalong hindi tinatanggap ang pagtrato sa iyo ng Diyos—magkakaroon ng kaguluhan. Ano ang mga magiging kahihinatnan nito? Magrereklamo ka, walang ingat na manghuhusga, at magsasalita nang walang pagpipigil, walang anumang bakas ng isang may-takot-sa-Diyos na puso. Sa hindi gaanong katitinding kaso, magrereklamo ka sa bahay at magbabasag ng mga pinggan para ilabas ang iyong galit. Mapapalayo ka sa Diyos, at hindi gugustuhing pumunta sa harap Niya at magdasal. Sa mas malalalang kaso, ipalalaganap mo ang iyong pagkanegatibo at mga kuru-kuro kapag nakakikita ng mga kapatid, nagdudulot ng mga panggagambala at panggugulo. Kung hindi ka pa rin nagsisisi pagkatapos, malamang na pupukawin mo ang galit nila, at paaalisin o palalayasin ka sa iglesia.
Kapag nangyayari ang iba’t ibang bagay sa mga tao, may lahat ng uri ng pagpapamalas sa kanila na nagpapakita ng kaibahan sa pagitan ng mabuting pagkatao at masamang pagkatao. Ano ang mga pamantayan sa pagsukat ng pagkatao? Paano dapat sukatin kung anong uri ng tao ang isang tao, at kung maliligtas ba siya o hindi? Depende ito sa kung mahal ba niya ang katotohanan at kung nagagawa ba niyang tanggapin at isagawa ang katotohanan. Lahat ng tao ay may mga kuru-kuro at paghihimagsik sa loob nila, lahat sila ay may mga tiwaling disposisyon, kaya nga may makahaharap silang mga pagkakataon na salungat ang hinihingi ng Diyos sa sarili nilang mga interes, at kakailanganin nilang mamili—ito ang mga bagay na mararanasan nilang lahat nang madalas, walang sinuman sa kanila ang makaiiwas sa mga ito. Magkakaroon din ang lahat ng mga pagkakataon na magkakamali sila ng pagkaintindi sa Diyos at magkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, o kapag may mga reklamo sila tungkol sa Kanya at manlalaban o maghihimagsik sa Kanya—pero dahil iba-iba ang saloobin ng mga tao sa katotohanan, iba-iba ang paraan ng pagharap nila rito. Ang ilang tao ay hindi binabanggit kailanman ang kanilang mga kuru-kuro, kundi hinahanap nila ang katotohanan at nilulutas ang mga iyon nang mag-isa. Bakit hindi nila binabanggit ang mga iyon? (Mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso.) Tama iyan: Mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso. Natatakot sila na ang pagsasalita ay magkakaroon ng negatibong epekto, at sinisikap lang nilang lutasin iyon sa puso nila, nang hindi naaapektuhan ang sinupaman. Kapag nakahaharap nila ang iba na gayon din ang kalagayan, ginagamit nila ang sarili nilang mga karanasan para tulungan ang mga ito. Ito ay pagiging mabait. Ang mababait na tao ay mapagmahal sa iba, handa silang tumulong sa iba na lutasin ang kanilang mga paghihirap. May mga prinsipyo kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay at tumutulong sa iba, tumutulong sila sa iba na ayusin ang mga problema upang maging kapaki-pakinabang sa mga ito, at wala silang sinasabi na hindi kapaki-pakinabang sa mga ito. Ito ang pagmamahal. Ang gayong mga tao ay may may-takot-sa-Diyos na puso, at ang kanilang mga kilos ay maprinsipyo at matalino. Ito ang mga pamantayan sa pagsukat kung ang pagkatao ng mga tao ay mabuti o masama. Alam nila na walang pakinabang kaninuman ang mga negatibong bagay, at na ang mga bagay na ito ay makaaapekto sa iba kung sasabihin nila ang mga iyon nang malakas, kaya pinipili nilang magdasal sa Diyos sa kanilang puso at hanapin ang katotohanan para sa isang solusyon. Anumang uri ng mga kuru-kuro ang mayroon sila, nagagawa nilang harapin at lutasin ang mga iyon nang may pusong nagpapasakop sa Diyos, at pagkatapos ay nagtatamo sila ng pagkaunawa sa katotohanan, at ng kakayahang ganap na magpasakop sa Diyos; sa ganitong paraan, mababawasan nang mababawasan ang kanilang mga kuru-kuro. Pero walang katwiran ang ilang tao. Kapag mayroon silang mga kuru-kuro, gustung-gusto nilang ipinagbabahaginan ang mga iyon kahit kanino at sa lahat. Ngunit hindi nito nilulutas ang problema, at nagiging dahilan para magkaroon ng mga kuru-kuro ang iba—at hindi ba ito nakapipinsala sa kanila? Hindi sinasabi ng ilang tao sa mga kapatid kapag may mga kuru-kuro sila, natatakot sila na malalaman ng iba na mayroon silang mga kuru-kuro, at gamitin ang mga ito laban sa kanila—pero sa bahay, nagsasalita sila nang walang pag-aalangan, sinasabi nila ang anumang gusto nila, tinatrato ang mga walang pananampalataya sa kanilang pamilya na parang ang mga kapatid sa iglesia. Hindi nila iniisip kung anong uri ng mga kahihinatnan ang idudulot ng paggawa niyon. Pagkilos ba ito ayon sa prinsipyo? Halimbawa, sa kanilang mga kamag-anak maaaring may mga nananalig sa Diyos at may hindi, o iyong mga medyo nananalig at medyo nagdududa; kapag mayroon silang mga kuru-kuro, ipinagkakalat nila ang mga iyon sa mga kapamilya, na ang resulta ay na ang lahat ng tao na ito ay kasama nilang nahihila pababa, at nagsisimulang magkaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa ay likas na nakahahawa, at kapag kumalat ang mga iyon, ang mga taong hindi matukoy kung ano talaga ang mga ito ay maaaring mapahamak. Ang mga taong magulo ang isip, lalo na, ay malamang na mas lalong maguluhan pagkatapos marinig ang mga ito. Tanging ang mga nakauunawa sa katotohanan at nakatutukoy sa mga ito ang kayang tumanggi sa mga salungat na bagay na ito—mga bagay na mga kuru-kuro, negatibo, at maling pagkaunawa—at maprotektahan ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay walang gayong tayog. Nararamdaman ng ilan na ang mga bagay na ito ay mali—na medyo kahanga-hanga na—pero hindi talaga nila matukoy kung ano talaga ang mga ito. Samakatuwid, kapag may mga tao na madalas magpakalat ng mga kuru-kuro at pagiging negatibo, karamihan sa mga tao ay magugulo ng mga salungat na bagay na ito, at magiging mahina at negatibo. Tiyak ito. Ang mga negatibo at salungat na bagay na ito ay may matinding kapangyarihang lihisin at pinsalain ang mga bagong mananampalataya. Sa mga mayroon nang pundasyon, maliit ang epekto ng mga ito; pagkaraan ng ilang panahon, kapag naunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan, lubos silang magbabago. Pero kapag narinig ng mga bagong mananampalataya na walang pundasyon ang mga salungat na bagay na ito, madali silang magiging negatibo at mahina; aatras at titigil pa sa pananalig sa Diyos ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan; maaari pa ngang magpakalat ng mga kuru-kuro at manggambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos ang masasamang tao na iyon. Anong uri ng mga tao ang mga nagpapakalat ng pagiging negatibo at mga kuru-kuro nang walang pag-aalangan? Masasamang tao sila, mga demonyo silang lahat, at mabubunyag at matitiwalag silang lahat. Sinasabi ng ilang tao na: “Hindi ko pinalalaganap ang mga bagay na ito sa mga estranghero; nagsasalita lang ako tungkol sa mga ito kapag nasa bahay ako.” Nagsasalita ka man ng tungkol sa mga ito sa labas o sa loob ng bahay, pare-pareho lang lahat ang kalikasan ng usapin. Na nakapagsasalita ka ng tungkol sa mga ito sa bahay ay nangangahulugang may mga kuru-kuro at maling pagkaunawa ka tungkol sa Diyos. Ang kakayahang sabihin ang mga bagay na ito nang malakas ay nagpapatunay na hindi mo hinahanap o minamahal ang katotohanan. Hindi mo hinanap ang katotohanan para tulungan kang iwaksi ang mga kuru-kurong ito, ni hindi mo pinaplanong bitiwan ang mga ito, kaya’t sinuman ang kausap mo, nananatiling pareho ang kalikasan ng iyong pananalita. At may ilang tao na nagpapakalat ng mga kuru-kuro nila saanman sila magpunta, at sa sinumang makatagpo nila. Halimbawa, sabihin nating may isang taong pinauwi dahil nanggagambala at nanggugulo siya habang ginagawa ang kanyang tungkulin. Nang tanungin kung bakit siya pinauwi, sumagot siya: “Likas lang akong prangka. Sinasabi ko kung ano ang nasa isipan ko. Nadulas ako at nagsalita nang tungkol sa ilan sa masasamang bagay na dati kong ginagawa; nang marinig ng mga lider at manggagawa ang tungkol dito, binansagan nila akong isang masamang tao at pinauwi. Dapat matuto kayong lahat mula sa aking karanasan; hindi ka maaaring magsalita nang walang ingat sa sambahayan ng Diyos. Sinasabi ng Diyos na dapat maging matapat, subalit dapat mong isaalang-alang ang iyong mga tagapakinig. Ayos lang na maging tapat sa iyong pamilya, subalit subukan mong maging tapat sa mga tagalabas at may mawawala sa iyo. Hindi ba’t may kawawala lang sa akin nang dahil dito? Ituring ninyo ito bilang isang aral.” May ilang tao, pagkatapos marinig ito, ang mag-iisip tungkol dito: “Nangyayari ang ganitong bagay sa sambahayan ng Diyos? Siguro ay dapat maging maingat tayo sa mga sinasabi natin mula ngayon!” Hindi ba’t magugulo ang isip ng mga taong ito? Napakarami nang sinabi ang Diyos, subalit pagkatapos nilang makinig nang lagpas sa isang dekada, wala silang matandaan ni isang pangungusap—subalit may sinabi lang na isang bagay ang isang masamang tao at natatandaan nila itong mabuti, itinatanim ito sa kanilang puso, at pagkatapos ay nagiging maingat sa kanilang pananalita at pagkilos. Nailigaw sila at nalason sila. Bakit nagawa silang lasunin? Sa isang banda, mababa ang kakayahan nila, at masyadong magulo ang kanilang pag-iisip, hindi magawang kilatisin ang pananalita at pag-uugali ng ibang tao, at walang sariling paninindigan. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila ito napaninindigan. Sa kabilang banda, wala silang pananampalataya sa Diyos at pundamental na hindi nauunawaan ang paraan ng pagtrato Niya sa mga tao. Dahil sa lahat ng ito, maaari silang mailigaw ng iba. Sila rin ay tiyak na hindi mabubuting tao, nagagawang yakapin ang mga salita ng isang diyablo. Anong mga layunin at tunguhin mayroon ang diyablo kapag nagpapalaganap ng mga kuru-kuro? Nais niyang makisimpatiya ang lahat sa kanya. Labis siyang matutuwa kung nagrereklamo ang lahat tungkol sa Diyos. Hindi ba’t ito ay isang taong nanggagambala at nanggugulo? Hindi ba’t walang isip siyang nang-uudyok ng kaguluhan? Paano ba dapat harapin ang gayong mga tao? Kailangan pa bang sabihin ito? Agad na paalisin sila ng iglesia; huwag silang hayaang manatili kahit isang araw pa. Hahantong lang sa kapahamakan ang pananatili ng masasamang tao na tulad nila sa sambahayan ng Diyos; mga nakatago silang panganib, isang sasabog na bomba. Ang pinakamainam na dapat gawin ay paalisin sila. Hayaan silang manalig kung paano nila gustuhing manalig sa labas ng iglesia—wala iyong kinalaman sa sambahayan ng Diyos. Ang gayong mga tao ay pinakatuso at hindi na matutubos. Sabihin sa Akin, sino sa sambahayan ng Diyos ang kailanman ay pinalayas dahil minsan siyang nadulas sa pananalita? Sino ang kailanman ay pinauwi dahil sa pagiging isang tapat na tao at dahil hayagan niyang kinikilala ang kanyang sarili? Palaging ginagawa ng sambahayan ng Diyos ang gawain ng paglilinis sa iglesia, at sino iyong mga pinaaalis? Ito ay ang lahat ng masasamang taong iyon, mga anticristo, at mga hindi mananampalataya, na palaging hindi gumaganap nang maayos ng kanilang mga tungkulin, at na gumagawa pa nga ng kasamaan at nanggugulo. Walang ni isang tao kailanman ang itinapon dahil sa minsang paglabag o minsang pagbubunyag ng katiwalian, lalong hindi na may isang tao na nilinis paalis dahil sa pagsasagawa ng katotohanan para maging isang tapat na tao. Ito ay isang tanggap na katunayan. Sinasabi ng ilang tao na: “Iyong mga naghahangad sa katotohanan ay minorya sa iglesia. Ang mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan ang bumubuo sa mayorya. Kung paaalisin ang mayorya, sino ang magtatrabaho? Kung paaalisin ang mayorya, gaano karaming tao ang maililigtas pa rin?” Hindi ito ang tamang paraan ng pag-iisip. Tulad nang sinabi noong nakalipas na panahon, “Marami ang tinawag, datapuwa’t kakaunti ang nahirang.” Napakakaunti ng mga taong nagmamahal sa katotohanan dahil sa sobrang pagiging tiwali ng sangkatauhan. Hindi ang malaking bilang ng mga tao ang gusto ng Diyos, kundi ang mga taong may kahusayan. Iyong mga nananatili sa sambahayan ng Diyos ay iyong mga kayang makinig at magpasakop, kayang pangalagaan ang gawain sa sambahayan ng Diyos; karamihan sa kanila ay mga taong kayang tumanggap sa katotohanan. May ilang tao na may mababang kakayahan at maaaring hindi nakauunawa sa katotohanan, subalit nagagawa nilang makinig, sumunod, at umiwas sa maling gawain, kaya’t ang gayong mga tao ay maaaring panatilihin para magtrabaho. Tapat lahat iyong mga nakakapanatili kasama ng iba pang mga trabahador. Gaano man sila nagtatrabaho, hindi sila nagrereklamo; sila ay mga tao na nakikinig at nagpapasakop. Iyong mga hindi nakikinig o sumusunod, hindi ba’t magdudulot lang sila ng mga kaguluhan kung mananatili sila? Kahit nagtatrabaho pa sila nang kaunti, kinakailangan nila palagi ng pangangasiwa; sa sandaling hindi sila binantayan, makagagawa sila ng mga pagkakamali at makalilikha ng mga problema. Ang pagtatrabaho ng gayong mga tao ay mas nakapipinsala kaysa nakagagawa ng mabuti. Dapat paalisin ang mga trabahador na tulad nito, kung hindi ay magagambala ang mga hinirang na mga tao ng Diyos, gayundin ang buhay iglesia. Kung hindi mapaaalis sa iglesia ang masasamang tao, tunay na mapipinsala at mapapahamak ang mga hinirang na tao ng Diyos. Kaya, ang tanging paraan para igarantiya na mararanasan ng mga hinirang na tao ng Diyos ang buhay iglesia nang hindi nagugulo ay ang paalisin ang masasamang tao; ito ang tanging paraan para tiyaking makapapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos at magkakamit ng kaligtasan ang mga hinirang na tao ng Diyos. Ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos ang pagpapaalis sa masasamang tao.
May isang uri ng tao na mapagmahal at mapagtimpi sa lahat, at handang tumulong sa sinuman. Ang tanging bagay na hindi siya interesado ay ang katotohanan. Palagi siyang salungat sa Diyos at hindi maipagkakasundo sa Kanya. Matinding kaaway siya ng Diyos. Anong uri ito ng tao? Isa siyang hindi mananampalataya at diyablo. Ang diyablo ang siyang pinakasalungat sa katotohanan at pinakanapopoot dito. Hangga’t sangkot ang katotohanan sa isang bagay, o sa sinasabi o hinihingi ng Diyos, hindi lang niya ito hindi tinatanggap, pinagdududahan pa niya ito, nilalabanan niya ito, at nagpapakalat siya ng mga kuru-kuro tungkol dito. Gumagawa rin siya ng maraming bagay na nakasasama sa gawain ng iglesia, naghuhumiyaw pa nga sa publiko laban sa Diyos kapag nasasaktan ang mga personal niyang interes. Mga diyablo ang mga tao na tulad nito; sila ay mga tao na napopoot sa katotohanan at namumuhi sa Diyos. Sa kaibuturan ng kalikasan ng bawat tao ay isang disposisyong napopoot sa katotohanan; kaya, ang bawat isa ay may diwang namumuhi sa Diyos. Ang pinagkaiba lang ay ang tindi ng pagkamuhing ito, kung bahagya o matindi ba ito. May kakayahan ang ilang tao na gumawa ng masama para salungatin ang Diyos, habang ang iba ay naghahayag lang ng tiwaling disposisyon o mga negatibong emosyon. Kaya’t bakit may kakayahan ang ilang tao na kamuhian ang Diyos? Anong papel ang ginagampanan nila? Nagagawa nilang kamuhian ang Diyos dahil may disposisyon silang napopoot sa katotohanan. Ang pagkakaroon nila ng ganitong disposisyon ay nangangahulugang sila ay diyablo at kaaway ng Diyos. Ano ang isang diyablo? Ang mga diyablo ay iyong lahat ng napopoot sa katotohanan at namumuhi sa Diyos. Maaari bang maligtas ang mga diyablo? Tiyak na hindi. Habang inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, maraming tao ang magsisibangon at sasalungat sa Kanya at guguluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Mga diyablo ang mga taong tulad nito. Matatawag din silang mga nabubuhay na demonyo. Saanmang iglesia, ang sinumang nanggugulo sa gawain ng iglesia ay isang diyablo at isang nabubuhay na demonyo. At sinumang naniniil sa iglesia at hindi tumatanggap sa katotohanan sa kahit anong antas ay isang nabubuhay na demonyo. Samakatuwid, kung matutukoy ninyo nang tama kung sinong mga tao ang mga nabubuhay na demonyo, dapat kayong kumilos nang mabilis para paalisin sila. Kung may ilang tao na ang saloobin ay tipikal na napakabuti, subalit kung minsan ay masama ang kalagayan nila, o napakababa ng tayog nila at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at may ginagawa silang isang bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at panggugulo subalit hindi nila ito gawi at hindi sila gayong uri ng tao ayon sa kalikasan, maaari silang manatili. Hindi mabuti ang pagkatao ng ilan; kung sinasalungat sila ng isang tao, hindi nila ito palalampasin kailanman. Makikipagtalo sila sa tao na iyon nang walang katapusan, hindi magpapakita ng awa kapag sa tingin nila ay nasa katwiran sila. Subalit, may isa silang kapurihan, na handa silang magtrabaho at magtiis ng paghihirap. Maaaring pansamantalang manatili ang mga tao na tulad nito. Kung ang mga taong ito ay madalas na gumagawa ng masama at gumagambala sa gawain ng iglesia, sila ay sa diyablong Satanas, at tiyak na hindi sila maaaring maligtas. Tiyak iyon nang isandaang porsyento. Kailangang paalisin sa iglesia ang mga taong tulad nito; ganap na hindi sila dapat pahintulutang manatili. Bakit kailangan silang paalisin? Saan batay ang pagpapaalis sa kanila? Pinaaalis ang ilan para bigyan sila ng pagkakataong magsisi, para turuan sila ng aral; ang iba ay pinaaalis dahil nakita kung ano talaga ang mga kalikasan nila, at hindi sila maaaring mailigtas. Kaya nakikita mo, sadyang magkakaiba ang mga tao sa isa’t isa. Ang ilang tao na pinaalis, sa kabila ng labis nilang pagiging negatibo at maitim nilang puso, ang hindi nag-abandona sa kanilang tungkulin at patuloy na ginagampanan ito—wala sila sa katulad na kalagayan ng mga tao na hinding-hindi ginagawa ang kanilang tungkulin pagkatapos paalisin, at ang landas na tinatahak nila ay hindi pareho. Ano ang panloob na kalagayan ng mga patuloy na ginagawa ang kanilang tungkulin pagkatapos paalisin? Ano ang hinahangad nila? Iba ito sa iyong mga tao na hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kung hindi ninyo ito nakikilatis, ibig sabihin na mababa ang inyong kakayahan, wala kayong pang-unawang espirituwal, at hindi ninyo magagawa ang gawain ng iglesia. Kung nakikita ninyo ang kaibahan, tatratuhin ninyo sila nang magkaiba. Nasaan ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang uri ng tao na ito? Ano ang pagkakaiba sa mga landas na tinatahak nila? Ano ang pagkakaiba sa saloobin nila sa pagganap ng tungkulin? Nakikilatis ba ninyo ang mga bagay na ito? (May ilang tao na kayang patuloy na gampanan ang ilang tungkulin pagkatapos paalisin, na nagpapahiwatig na may kaunti pa rin silang konsensiya. Marahil pakiramdam nila ay hindi na rin sila maililigtas, subalit iniisip nila na: “Nananalig ako sa Diyos. Nakatitiyak ako na ang Diyos na ito ang Lumikha. Kahit na pinaalis ako ng iglesia, dapat pa rin akong manalig sa Diyos. Isa pa rin akong nilikha, at kinikilala ko ang aking Lumikha.” Gumagana pa rin sa kalooban nila ang kaunting konsensiyang ito. Kung ni hindi man lang nila ginagawa ang kanilang tungkulin pagkatapos mapaalis, at hindi man lang nananalig sa Diyos, ipinakikita nilang isa silang hindi mananampalataya.) Sino ang gustong sunod na magsalita? (Marahil patuloy pa ring nagagampanan ng ilang tao ang kanilang tungkulin pagkatapos silang paalisin dahil sa puso nila ay napagtanto na nilang may pagkakautang sila sa Diyos sa mga bagay-bagay na dati nilang ginawa, at gustong bayaran ang kanilang pagkakasala. Subalit kung ititigil ng isang tao na gawin ang kanyang tungkulin pagkatapos paalisin, ipinakikita nitong hindi niya ginagawa ang kanyang tungkulin para palugurin ang Diyos, kundi sinusubukang makipagkasunduan sa Diyos sa pag-aasam na makatanggap ng mga pagpapala. At pagkatapos matukoy na wala silang matatanggap na anumang pagpapala, hindi na niya nakikita ang pangangailangang ipagpatuloy ang pagganap ng tungkulin, kaya itinigil na niya ang pagtatrabaho.) Sa dalawang uring ito ng mga tao, sino ang may kaunting konsensiya? (Ang mga tao na ginagawa pa rin ang kanilang tungkulin pagkatapos paalisin.) Ang uri na ipinagpapatuloy ang kanilang tungkulin ay may kaunti pa ring konsensiya at isang batayan sa pagiging isang tao. Bilang isang tao, gaano man sila tinatrato ng Diyos at kung gusto man sila ng Diyos, sila pa rin ay nilikha ng Diyos. Hindi nila matatakasan ang kapangyarihan ng Diyos; saanman sila pumunta, sila pa rin ay isang nilikha, kaya’t dapat pa rin nilang gampanan ang kanilang tungkulin. Ipinapakita nito na may konsensiya pa rin sila at isang batayan sa pagiging isang tao. Bukod pa rito, saanman sila pumunta, kahit papaano ay magagawa nilang aminin na nananalig sila sa Diyos at kinikilala nila ang pag-iral ng Diyos. Itong pananampalatayang ito sa kanilang puso ang nagbibigay-kakayahan sa kanilang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Ang ganitong uri ng tao ay tunay na may kaunting pananampalataya, at maaaring may kakayahang magsisi. Para sa mga tumitigil sa pagganap ng kanilang mga tungkulin pagkatapos paalisin, ang iniisip nila ay, “Kung ayaw sa akin ng Diyos, hindi na ako mananalig sa Diyos. Wala namang silbi ang pananalig ko.” Humihinto sila sa pananalig at itinatanggi ang pag-iral ng Diyos, at inaabandona pa nga ang batayan nila sa pagiging isang tao, pinawawalang-saysay ang lahat ng ginawa nila noon. Walang konsensiya at katwiran ang gayong mga tao, at diyan makikita ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang uring ito. Sabihin mo sa Akin, alam ba ito ng Diyos? Alam na alam Niya ito. Nilikha Niya ang lahat ng bagay, kaya Niyang siyasatin ang lahat ng bagay at naghaharing may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng mga ito. Iyong mga hindi mananampalataya na walang konsensiya ay iniisip na, “Nasaan ang Diyos? Bakit hindi ko Siya nakikita? Kaya’t sinong mag-aalala kung pinaalis ako ng iglesia? Kaya ko pa ring mabuhay kahit saan ako pumunta. Sa tingin mo ba hindi ko kayang mabuhay dahil lang iniwan Kita? Ang hindi ko pagganap ng aking mga tungkulin ay nagbibigay lang sa akin ng mas maraming kalayaan!” Ito ang kanilang saloobin, na nagbubunyag sa kanila bilang mga hindi mananampalataya, at pinatutunayang tama ang pagpapaalis sa kanila. Dapat paalisin ang mga hindi mananampalatayang tulad nito—Paalam na lang sa kanila. Iba ang pagtugon ng mga taong may pananampalataya sa Diyos kung pinaaalis sila. Halimbawa, pagkatapos paalisin, maaaring sabihin ng ilang tao na, “Hindi ako mabubuhay nang hindi ginagawa ang aking tungkulin. Hindi ako mabubuhay nang hindi nananalig sa Diyos. Hindi ako makapagpapatuloy nang wala ang Diyos. Saanman ako pumunta, nasa ilalim ako ng kapangyarihan ng Diyos.” Kaya’t patuloy nilang ginagawa ang kanilang tungkulin. Hindi bulag na paniniwala o kahangalan ang nagdala sa kanila sa ganitong desisyon; ito ay dahil pinamamahalaan sila ng mga kaisipang ito na nagagawa nilang gampanan ang kanilang tungkulin tulad nito. Mayroon din silang mga hinaing at kuru-kuro, at ilang reklamo, subalit bakit nagagampanan pa rin nila ang kanilang tungkulin? Dahil gumagana pa rin ang kaunting konsensiya sa kanilang pagkatao. Iyong mga hindi gumagana ang konsensiya ay umiiwas sa paggawa ng kanilang tungkulin at sa pananalig sa Diyos. Ito ang kaibahan. Magkakaiba ang mga tao; may mga pagkakaiba ang bawat isa. Sa mahahalagang sandali, kung may konsensiya at katwiran man o wala ang isang tao ang makapagtatakda at makaaapekto sa maraming bagay.
Kakatapos ko ngayon-ngayon lang na magbahagi tungkol sa mga layunin sa kalagayan ng isang tao. Sunod ay magbabahagi ako tungkol sa paninindigan at saloobin. Maging isa man itong aspekto ng terminolohiya o isang aspekto ng katotohanan, maraming detalye ang sangkot dito; hindi ito kasing simple ng mabababaw na salita o ng mga binibigkas na pangungusap. Kung lilimitahan mo ang iyong pagkaunawa sa isang salita, sa isang konsepto, o sa literal na kahulugan ng ilang pangungusap, magiging isang uri lang palagi ito ng doktrina. Gayunman, kung pagsasama-samahin at pagkukumparahin mo ang mga literal na parirala o pangungusap na ito sa mga aktuwal na kalagayan at mga ideya, pananaw, o pamamaraang ibinubunyag ng mga tao sa kanilang tunay na buhay, matutuklasan mo ang marami sa mga sarili mong problema. May ilang problema na sumasalungat sa katotohanan. Ang ilan ay tila naaayon sa doktrina, tila naaayon sa mga regulasyon at kaisipan at pamamaraan ng tao, subalit sa katunayan ay hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan o sa mga layunin ng Diyos. Halimbawa, may ilang pananaw at paninindigan ang mga tao na umaayon lang sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, subalit hindi sa mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi sinusukat at kinikilatis ang mga ito alinsunod sa mga salita ng Diyos, magiging katanggap-tanggap ang mga ito sa mga tao. Subalit kapag sinuri ang mga ito laban sa mga salita ng Diyos, nagiging mga maling bagay ang mga kaisipan at pananaw ng tao, nagiging mga negatibong bagay ang mga ito. Ano pang ibang mga problema ang inyong natuklasan? (O Diyos, iniisip ko ang mga ideya at pananaw mula sa tradisyonal na kultura tulad ng “pagiging mapagmahal ng isang tao sa kanyang mga magulang” at “pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina,” na nakikita ng mga tao bilang tama at nararapat, subalit, sa perspektiba ng katotohanan, ay hindi umaayon ang mga ito sa katotohanan.) Hindi umaayon ang mga ito sa katotohanan. Ibig sabihin nito ay sumasalungat ang mga ito sa mga pagnanais ng Diyos. Halimbawa, may ilang tao na nakapagpapakita ng mapagmahal na debosyon sa kanilang mga magulang o naging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina—pagdating sa kanilang pag-uugali at pagganap, tila walang problema rito; subalit makapagpapasakop ba sila sa Diyos? Matatanggap ba nila ang katotohanan? Hindi problema ang panlabas na pagpapakita lang ng dalawang pag-uugaling ito; subalit pagdating sa pagsisiyasat sa kanilang kalikasang diwa, may anumang pagpapasakop ba sila sa paraan ng pagtrato nila sa Diyos? Magagawa ba nilang tanggapin ang katotohanan? Kung may problema sa dalawang aspektong ito, magagawa ba nilang makamit ang kaligtasan? Tiyak na hindi nila makakamit ito. Kaya, kahit lumalabas bilang mga kapurihan ang dalawang pag-uugaling ito, hindi maaaring katawanin ng mga ito ang diwa ng isang tao. Kahit gaano pa kamapagmahal sa magulang o isang mabuting asawa at mapagmahal na ina ang isang tao sa panlabas, hindi ibig sabihin nito na isang tao silang nagpapasakop sa Diyos, lalong hindi ibig sabihin nito na nakalaya sila mula sa impluwensiya ni Satanas. Walang kahit anumang kaugnayan ang dalawang kapurihan nilang ito at ang katotohanan. Samakatuwid, ang sinumang nagtataglay ng dalawang kapurihang ito ay tiyak na hindi isang taong sinasang-ayunan ng Diyos, at hindi niya naaabot ang pamantayan ng isang matuwid na tao. Nag-uumapaw sa mga pilosopiya ni Satanas ang puso ng mga tiwaling tao. Gusto nilang lahat na tumatanggap ng papuri at pagsang-ayon ng iba. Gusto nilang lahat na panatilihin ang kanilang mga interpersonal na relasyon para protektahan ang kanilang sarili. Gusto nilang lahat na magpapansin at magpakitang gilas para hangaan sila ng iba. Ang pamumuhay batay sa mga satanikong pilosopiyang ito ay nagsisimulang lahat sa isang partikular na simulain. Ano ang layuning minimithing makamit ng simulaing ito? (Ang purihin sila ng mga tao bilang mabuting indibidwal at sabihing mapagmahal at may konsiderasyon sila, para suportahan at sang-ayunan sila ng mga tao.) Sa pamumuhay nila sa mga pilosopiya ni Satanas, nagkikimkim ang mga tao ng isang uri ng kuru-kuro at imahinasyon: “Ginagantimpalaan ang mabubuti” at “Payapa ang buhay ang mabubuti.” Subalit walang makapagsasabi nang malinaw kung ano ang ibig sabihin ng “Ginagantimpalaan ang mabubuti” at “Payapa ang buhay ang mabubuti.” Sa kabilang banda, yamang nakikitang hindi nabubuhay nang matagal ang mabubuting tao habang nabubuhay nang matagal ang masasamang tao, wala talagang nakaaalam sa ugat na dahilan ng ganitong kalagayan ng mga bagay-bagay. Subalit may isang karaniwang tinatanggap na panuntunan ang mga tao na nananatiling hindi nagbabago: “Ang kabutihan ay sinusuklian ng kabutihan, at ang kasamaan ng kasamaan.” Sinusuklian ng Diyos ang bawat indibiduwal batay sa mga sarili nilang gawa. Ito ay paunang itinakda ng Diyos, at walang sinumang makapagbabago nito, gayunpaman ay hindi ito kinikilala ng maraming tao. Kung gayon, madali ba para sa mga tao ang magbago kapag nabubuhay sila alinsunod sa mga satanikong pilosopiya? (Hindi.) Bakit hindi? (Ang mga pilosopiyang ito ang naging batas nila ng kaligtasan. Mahirap magbago nang hindi hinahanap ang katotohanan at nang hindi nakakikilatis ng mga kuru-kurong ito.) Hindi ito ganito kasimple. Ang totoo, kapag nahaharap sa mga sitwasyong may mga layunin at pagkilos na ito, kung sinasabi mong wala kang nararamdaman, hindi iyon tama. Para sa mga walang pananampalataya, normal ang walang nararamdamang kahit ano dahil ganap silang nabubuhay alinsunod sa mga satanikong pilosopiya at batas. Itinuturing nilang mahalaga ang mga bagay na ito at hindi nila iniisip na mali ang mga ito. Ngayon, napakatagal nang panahon ninyong lahat na nananalig sa Diyos at nakapakinig na kayo ng napakaraming sermon; sa kaibuturan, dapat ay may pagtataya na kayo sa mga bagay na ito. Tama ba o mali ang mga ito? Dapat ay makikilala mong mali ang mga bagay na ito; dapat ay negatibo ang saloobin mo sa mga ito, hindi pagsang-ayon. Kaya’t bakit hindi mo mabitiwan ang mga ito kahit alam na alam mong mali ang mga ito? Nasaan ang problema? (Masyado tayong makasarili at kasuklam-suklam, at ayaw nating magrebelde laban sa laman. Kapag nahaharap sa isang bagay, hindi natin iniisip na palugurin ang Diyos at bigyan ng kaunting konsiderasyon ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, sa halip ay isinasaalang-alang lang natin ang mga sarili nating interes. Hindi natin kayang magrebelde laban sa ating panloob na mga layunin.) Ang pag-ayaw na magrebelde laban sa laman—isa itong aspekto. Pagdating sa mga pangunahing interes, nababalisa ka at nahihirapan, at hindi kayang bumitaw. Kaya, sa mga interpersonal na pakikipag-ugnayan sa inyong pang-araw-araw na buhay na hindi kinasasangkutan ng mga pangunahing interes, kahit kailan ba ay siniyasat ninyo ang mga satanikong pilosopiya at batas na ito? Hinanap ba ninyo ang katotohanan para malutas ang mga ito? Nagbago na ba talaga kayo? (Sinisiyasat ko ang ilang bagay, at ang nakikilala ko, sinusubukan kong baguhin. Subalit madalas, hindi ko ito tinatrato bilang isang seryosong usapin at hindi ito sinisiyasat.) Kung gayon ay hindi madaling magbago. Ang bawat mong galaw, bawat salita at kilos, maging ang iyong mga sulyap ay mga pagpapahayag lahat ng iyong tiwaling disposisyon, pinamamahalaan lahat ng isang tiwaling disposisyon. Kung hindi mo pa rin hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga isyung ito, magiging napakahirap tumanggap ng kaligtasan. Kung iniisip mo na kinakailangan ng napakalaking pagsisikap at lakas para magrebelde laban sa laman, na para bang hinihingi nitong hatiin mo sa dalawa ang iyong personalidad, may problema ka; hindi magiging madaling magbago. Kung masisiyasat mo ang iyong sarili at mahahanap ang katotohanan—simula sa pang-araw-araw na buhay, sa bawat mong salita at gawa, at lalong higit sa iyong mga bagay-bagay na may kinalaman sa katanyagan, pakinabang, at katayuan—at kung kaya mong magrebelde laban sa iyong sariling laman, magagawa mong magkaroon ng ilang pagbabago. Ngayon, nahihirapan kayong lahat na talikuran ang mga pilosopiya at batas na ito ni Satanas; sa inyong pang-araw-araw na buhay, kung gayon, nagkaroon ba ng anumang tunay na pagbabago sa mga pananaw na ito o sa pag-uugali at pagkilos na hindi naaayon sa katotohanan? (Minsan kapag nagsasalita o kumikilos ako, kinikilala ko na may mga mali akong layunin at gustong ituwid ang mga ito. Pagkatapos magdasal, nauunawaan ko ang mga layunin ng Diyos at naisasagawa ang mga ito, subalit pagkatapos kong gawin ito ay natutuklasan kong hindi talagang nalutas ang mga layunin sa mga pagkilos ko, iyong mga panlabas na pamamaraan ko lang ang nabago. Halimbawa, kung magsisinungaling ako para protektahan ang mga sarili kong interes, pagkatapos kong mapagtanto ito ay agad akong magrerebelde laban sa laman at magiging tapat ako sa iba, sinasabi na, “Mali ang intensyon ko sa aking pagsasalita ngayon lang. Naging mapanlinlang ako.” Subalit sa susunod na makakaharap ko ang isang katulad na sitwasyon, patuloy pa rin akong kokontrolin ng layuning iyon at gugustuhin kong protektahan ang mga sarili kong interes at magsisinungaling. Tila nakaugat nang malalim na malalim ang layuning iyon; kaya’t muli’t muli itong lumilitaw sa aking puso.) Kaya, saan nanggagaling ang layuning ito na tugunan ang iyong mga sariling interes? Produkto ito ng iyong tiwaling disposisyon. Magkakaiba lahat sa kalikasan ang mga layuning nilikha ng iba’t ibang tiwaling disposisyon; ang ilan ay may buktot na kalikasan, ang ilan ay malupit, ang ilan ay kakatwa, ang ilan ay katawa-tawa, at ang ilan ay pabagu-bago. Ang bawat isa ay may kanya-kanyang kalikasan. Kaya, napakanormal na malikha ang parehong layunin sa iba’t ibang sitwasyon, dahil hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon sa iyong kalooban. Kung itong isang disposisyon na ito ay makalilikha ng iba’t ibang layunin sa iba’t ibang sitwasyon, magdudulot iyon ng napakaraming problema sa mga tao at ng kalituhan sa kanilang isipan! Kahit ang isang uri lang ng layunin ay mahirap lutasin, nangangailangan ng mahabang panahon ng transpormasyon; kung ang isang disposisyon ay makalilikha ng maraming uri ng layunin, lalo pang magiging mahirap ang magbago. Kailangan mong tuloy-tuloy na asikasuhin ang iisang uri ng layunin, pinangangasiwaan at nilulutas ito sa iba’t ibang sitwasyon at pangyayari, at sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay-bagay. Pakikipaglaban ito sa isang aspekto ng tiwaling disposisyon. May ilang tao ang nababalisa at nag-aakala pa nga na wala silang kakayahang magbago pagkatapos na magapi sa ilang labanan. Walang silbi ang pagiging balisa; hindi mababago sa isang iglap ang isang tiwaling disposisyon. Maaaring iniisip mo na ang pagrerebelde laban sa laman nang isa o dalawang beses ay dapat na magdulot ng ilang pagbabago, subalit kinalaunan ay malalaman mong palagi mo pa ring nabubunyag ang iyong tiwaling disposisyon, at hindi mo nauunawaan kung bakit. Ipinahihiwatig nito na hindi mo nauunawaan ang proseso ng pagbabagong disposisyonal. Hindi isang simpleng bagay ang pagbabago ng disposisyon. Hindi makasasapat kung mababaw ang pagkaunawa mo sa katotohanan. Kapag tunay mong kinikilala ang diwa ng iyong tiwaling disposisyon, magagawa mong ganap na magrebelde laban dito. Sa kasalukuyang paraan mo ng pagsasagawa, bagaman mabubunyag mo pa rin ang iyong tiwaling disposisyon kapag nahaharap ka sa mga sitwasyon, hindi maitatangging nagbago ka na. Kahit papaano ay mas kaunti na ang nabubunyag mong tiwaling disposisyon, at mas kaunti na ang iyong mga layunin at adulterasyon. Hindi ka na ngayon nagsasalita nang may labis na pagpapaimbabaw at kawalan ng katapatan; sa halip, madalas ka nang nagsasalita nang mula sa iyong puso at nagsasabi ng katotohanan. Pinahihiwatig nitong nagbago ka na. Subalit maaaring isipin mo na, “Nagkaroon lang ng pagbabago sa aking pagsasagawa at mga pamamaraan. Nananatiling hindi nababago ang aking mga layunin, kaya’t hindi talaga ako nagbago, hindi ba? Ibig bang sabihin nito na wala na akong pag-asang mailigtas?” Tama ba ang mga kaisipang ito? (Hindi.) Mga baluktot na kaisipan ang mga ito. Ang pagbabago ng iyong disposisyon ay nangangailangan ng pagdanas ng maraming proseso; tama lang na unang magbago ang iyong pagsasagawa at mga pamamaraan. Para sa mga panloob na layunin ng mga tao, mababago lang ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga ito. Ang kakayahang magbago pagdating sa pagsasagawa at pamamaraan ay nagpapatunay na nagsimula nang magkaroon ng transpormasyon ang isang tao. Kung patuloy mong hahanapin ang katotohanan para lutasin ang iyong mga pantaong layunin at adulterasyon, paunti nang paunting mabubunyag ang iyong tiwaling disposisyon. Kung nakikilala mo na ang Diyos, may takot-sa-Diyos na puso, at kayang magpasakop sa Diyos, pinatutunayan niyan na nagkaroon na ng pagbabago ang iyong buhay disposisyon. Ito ang tamang paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay. Kung tama ang paraan mo ng pagsasagawa, at nagagawa mong isagawa ang katotohanan at kumilos nang may kaunting prinsipyo, ibig sabihin nito na nagbago ka na. Hindi tamang maniwala na hindi ka talaga nagbago dahil lang minsan ay naibubunyag mo pa rin ang iyong katiwalian. Maaari mong sabihin na, “Kung gayon, bakit patuloy akong nagbubunyag ng katiwalian at nagbabalik sa aking mga dating problema? Pinatutunayan nitong hindi ako nagbago.” Maling paraan ito ng pagtingin sa mga bagay-bagay. Ang problema sa pagbubunyag ng katiwalian ay hindi lubos na nalulutas pagkaraan lang ng ilang taong karanasan. Nangangailangan ito ng pangmatagalang pagtitiyaga sa pagsasagawa ng katotohanan para lubusan itong malutas. Ang pagkaunti ng mga pagbubunyag ng iyong katiwalian ay sapat na para patunayang may nagbago sa iyo; ang sabihing walang kahit anumang nagbago ay hindi tumutugma sa aktuwal na sitwasyon. Dapat malinaw ito sa inyong puso, hindi kayo maaaring magkaroon ng baluktot na pagkaunawa. Ang pagkakamit ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagdanas ng gawain ng Diyos ay isang pangmatagalang pagsisikap na ganap na hindi maisasakatuparan sa loob lang ng kaunting taon. Dapat ay may ganito kayong kamalayan.
Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa mga paninindigan, layunin, at saloobin. Dinidikta ng mga pananaw ang mga saloobin, hindi ba? Tunay nga, ang mga paninindigan at pananaw ang nagdidikta ng mga saloobin ng mga tao. Gayundin, ang iyong pananaw kapag nahaharap ka sa isang partikular na pangyayari o sitwasyon ay nakadepende sa kung saan ka nakapanig. Kung hindi ka nakapanig sa Diyos subalit nakapanig ka sa tao, sinisikap na panatilihin ang iyong mga relasyong interpersonal, ang iyong mga pananaw at pamamaraan ay tiyak na magsisilbing lahat para protektahan at tamuhin ang iyong mga sarili interes at dangal, at para mag-iwan para sa sarili mo ng isang daan palabas. Subalit kung ang paninindigan mo ay ang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, gampanan nang maayos ang iyong tungkulin at ipakita ang iyong katapatan, ang iyong magiging saloobin ay ang magsagawa alinsunod sa katotohanan sa bawat sitwasyon, gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, ipakita ang iyong katapatan, at tuparin ang atas ng Diyos—magkakatugma ang lahat ng mga elementong ito. Kapag hindi kayo nagbabahagi, sa inyong pagsasalamuha, tungkol sa mga doktrinang inyong narinig o naalala, o sa mga espirituwal na teoryang inyong naintindihan, kundi sa halip ay nagagawa ninyong magbahagi tungkol sa sarili ninyong mga kalagayan kamakailan, tungkol sa mga paraan kung saan nagbago ang inyong mga pananaw at paninindigan tungkol sa ilang pangyayari at napag-alaman ninyo ang mga bagong tuklas at bagong pang-unawa, tungkol sa mga bagay tungkol sa iyo na salungat sa mga hinihingi ng Diyos at sa katotohanan, sa oras na maibahagi mo ang gayong mga bagay, magkakaroon kayo ng tayog. Kung hindi pa ninyo nasuri kailanman ang alinmang aspekto ng inyong mga pananaw, paninindigan, intensyon, at iniisip, o kung, matapos suriin ang mga ito, hindi ninyo masabi kung tama o mali ang mga iyon, at magulo ang pagtatasa ninyo tungkol sa mga iyon, kung kayo ang kikilos bilang pinuno ng iglesia, ano ang ipandidilig ninyo sa iba? (Ang mga salita at doktrina.) Sa tingin Ko didiligan ninyo ang iba hindi lamang ng mga salita at doktrina, espirituwal na teorya, at kaalamang teolohikal, kundi, marahil, gamit ang inyong mga baluktot na pananaw at at ang inyong mga personal na kuru-kuro at paghusga tungkol sa Diyos, at, higit pa riyan, ang inyong isang-panig na mga pananaw at pag-unawa sa Diyos, nang lubos na salungat sa mga salita at hinihingi ng Diyos. At ano ang nangyayari sa lahat ng dinala sa ilalim ng gayong pamumuno? Nagagawa lamang nilang magsalita tungkol sa mga salita at doktrina. Kung nais ng Diyos na gumawa ng ilang gawain ng pagsubok at pagdadalisay sa kanila, ang hindi nila paglaban dito ay magiging kasiya-siyang kalalabasan; medyo wala silang kakayahang tratuhin ito nang tama, lalong hindi ang tunay na pagpapasakop dito Ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita nito na ang itinatanim ninyo sa iba ay mga kuru-kuro at imahinasyon. Kung hindi pa naragdagan ang pagkaunawa ng iba at nabawasan ang mga maling pagkaunawa nila sa Diyos dahil sa inyong pagdidilig at pamumuno, kumusta na kaya ang pagganap ninyo sa inyong tungkulin? Nagawa ninyo ba ito nang sapat o hindi sapat? (Hindi sapat.) Nagagawa ninyo na bang matukoy ngayon kung aling bahagi ng gawaing ginagawa ninyo at alin sa mga katotohanang ibinabahagi ninyo ang tunay na nakatutulong at naghahatid ng benepisyo sa mga tao, na hindi lang nilulutas ang kanilang pagiging negatibo at ang kanilang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos, kundi pinahihintulutan din silang magkaroon ng tunay na pagkaunawa sa Diyos at ng isang normal na relasyon sa Kanya? Kung makakamit ninyo ang mga resultang ito sa inyong gawain, makagagawa kayo ng mga praktikal na gawain at magagampanan nang sapat ang inyong tungkulin. Kung hindi ninyo magagampanan ang gawaing ito, ano ang lang ginagawa ninyo sa loob ng iglesia? Nagagawa ba ninyong sukatin kung aling bahagi ng gawaing inyong ginawa at alin sa mga salitang inyong binigkas ang tunay na naging kapaki-pakinabang at nakapagtuturo sa mga hinirang na tao ng Diyos? Katulad ba nang kay Pablo ang mga ginagampanan ninyong gawain at mga binibigkas ninyong mga salita—nagsasalita lang ng espirituwal na teorya, nagpapatotoo sa inyong sarili ninyo at nagpapakitang-gilas—o ang mga ito ba marahil ay mas lantad at kasuklam-suklam pa kaysa sa sinabi ni Pablo? Masusukat ninyo ba ito? Kung talagang masusukat ninyo ito, tunay na nagkaroon na kayo ng paglago. Halimbawa, ang isang tao, na sa ngayon ay isa o dalawang taon pa lang na nananalig sa Diyos, ay may mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos na nakakaapekto sa pagganap ng kanyang tungkulin, kaya walang lubay mong sinasabi sa kanya na, “Dapat mong mahalin ang Diyos. Hindi ka maaaring mawalan ng mapagmahal-sa-Diyos na puso. Dapat matuto ka kung paano magpasakop sa Diyos, hindi ka maaaring magkaroon ng mga personal na hinihingi at pagnanais.” Subalit wala rito ang problema nila; ang totoo, ito ay dahil napaalis ang isang taong nananalig sa Diyos nang maraming taon, at hindi naarok ng bagong mananampalataya ang diwa ng taong ito, kaya’t nagkaroon siya ng mga pangamba tungkol sa kung paano hinarap ng sambahayan ng Diyos ang bagay na ito. May mga pangamba siya, kaya’t itong mga pangambang ito ang dapat mong lutasin. Hindi ito sa ayaw niyang gampanan ang kanyang tungkulin, o na tatamad-tamad siya o hindi kayang magtiis ng paghihirap, subalit palagi mong sinasabi sa kanya na, “Dapat magawa ng mga kabataan na magtiis ng paghihirap at maging masipag, at magkaroon ng pagtitiyaga.” Tama ang mga salitang ito, subalit hindi akma ang mga ito sa kalagayan ng taong ito, kaya’t nananatili siyang walang inspirasyon pagkatapos makapakinig. Ang paglutas sa mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos ay hindi magagawa sa pamamagitan lang ng pagsasalita ng ilang doktrina; dapat mong unawain ang mga katotohanan at linawin ang ugat na dahilan. Ito ang tinatawag na pagtuklas sa puno’t dulo ng usapin. Tanging sa pagtukoy sa kung ano talaga ang nangyayari at sa paghahanap sa katotohanan para malutas ang usapin lang tunay na malulutas ang problema. Maaari mo siyang siyasatin: “Paanong mali ang iyong pagkakaunawa? Ano ang iyong mga maling pagkakaunawa? Napakabuti sa iyo ng Diyos at labis na nagmamalasakit sa iyo, at nagkakamali ka pa rin ng pagkakaunawa sa Kanya; wala kang konsensiya!” Subalit hindi nito malulutas ang problema; pagpapayo at pangangaral ito, hindi pagbabahagi ng katotohanan. Ano ang dapat na sabihin para tunay na magbahagi ng katotohanan? (Tulungan silang manalig na matuwid ang Diyos. Sabihin na: “Kahit na hindi mo nauunawaan ang taong napaalis, dapat ay manatili kang may mapagpasakop na puso. Kapag naunawaan mo ang katotohanan, natural mong mauunawaan ang taong iyon.”) Medyo mabuting pamamaraan ito, ito ang pinakasimpleng pamamaraan; malulutas nito ang ilan sa mga problema kahit na hindi nito naipaliliwanag ang lahat. Sabihin mo sa Akin, ano sa pangkalahatan ang iniiisip ng mga tao kapag lumilitaw ang mga maling pagkakaunawa sa kanila? Bakit napasasama nito ang loob nila? Dahil nasaling nito ang mga sarili nilang interes; inilagay nila ang sarili nila sa katayuan ng ibang tao at inisip kung paano ito makaaapekto sa kanilang sarili: “Napaalis pa rin sila kahit pagkatapos manalig sa Diyos nang napakaraming taon. Hindi ako kasintagal nilang nananalig sa Diyos; hindi rin ba ako gugustuhin ng Diyos?” Lumilitaw sa kanila ang maling pagkakaunawang ito. Maling pagkaunawa ito sa matuwid na disposisyon ng Diyos at sa paraan ng pagtrato Niya sa mga tao. Paano dapat lutasin ang dalawang maling pagkakaunawang ito tungkol sa Diyos? Kapag ang isang tao ay nagkaroon ng maling pagkakaunawa sa Diyos, ano ang kalikasan ng maling pagkakaunawang ito? Pagpapatibay ba ito sa gawain ng Diyos, o isang pangunguwestiyon nito? (Isang pangunguwestiyon nito.) Tama ba o hindi ang pangunguwestiyong ito? Una sa lahat, mali ito. Kung gayon, bibigyang-kakayanan ka ba ng iyong pagkamakatwiran ng kakayahang makilala na nagkaroon ka ng maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at na mali ang ganitong uri ng pag-uugali, saloobin o kalagayan? Kung tinataglay mo ang pagkamakatwirang ito, malinaw mong mapagtatanto na mali ka at na tiyak na tama ang Diyos. Taglay ang pundasyong ito, madali mong matatanggap ang anumang katotohanan na susunod na ibabahagi. Subalit kung hindi mo sinasadyang isipin na, “Maaaring hindi palaging tama ang ginagawa ng Diyos. May mga bahagi rin ang Diyos na maaaring kakitaan ng kapintasan ng mga tao. Nagkakamali rin ang Diyos at tinatrato Niya nang hindi patas ang mga tao; hindi makatarungan ang kawalan Niya ng konsiderasyon sa mga tao;”—kung lumilitaw ang mga kaisipang ito sa iyong kalooban, ibig bang sabihin nito na hindi mo sinasadyang pinagtitibay o tinatanggihan ang ginagawa ng Diyos? (Tinatanggihan.) Tinatanggihan mo ang ginagawa ng Diyos. Kung gayon ay hindi mo ba sinasadyang maniwala na tama o mali ang maling pagkaunawa mo sa Diyos? Kung hindi mo sinasadyang maniwala na tama ka, problema ito, isang problema na hindi kayang tugunan ng kahit anumang halaga ng pagbabahaginan sa anumang aspekto ng katotohanan. Sa dalawang uring ito ng pananaw, ang dalawang uring ito ng di-sinasadyang kaisipan, aling uri ang naglalagay sa iyo sa posisyon ng isang nilikha, isang posisyon na kumikilala na ang Lumikha ay ang Lumikha, ang tao ay tao, at ang Diyos ay Diyos? (Ang unang uri.) At ang ikalawang uri? Matatanggap ba ng isang taong nagtataglay ng ikalawang pananaw na ito ang katotohanang ang Diyos ay ang Lumikha? (Hindi.) Paano ito naipapakita? Ano ang nagpapakilala rito? Hindi sila nagpapanatili ng isang saloobin ng paniniwala, pagpapasakop, at pagtanggap sa Diyos; sa halip ay nagkikimkim sila ng isang saloobin na palaging nagmamasid, nagsisiyasat, nagsusuri, at nangingilatis. Tinitingnan nila ang lahat ng ginagawa ng Diyos mula sa isang posisyon ng pantay na katayuan sa Kanya. Kaya’t kapag bigla nilang natuklasan na may ginawa ang Diyos na hindi sumasang-ayon sa mga sarili nilang kuru-kuro at imahinasyon, nangangahas silang sumubok na magtamo ng isang bahay na magagamit nila laban sa Diyos, at na husgahan ang Diyos at kondenahin ang Diyos. Hindi nila tinatrato ang Diyos bilang Diyos, kundi bilang isang tao, hindi ba? Nangangahas silang sumubok na magkaroon ng isang bagay na magagamit laban sa Diyos, para hanapan Siya ng kapintasan at husgahan Siya—pagsasalita ba ito mula sa posisyon ng isang nilikha? (Hindi.) Kapag may mga maling pagkakaunawa ang isang tao sa Diyos, dapat niyang unawain na ang mga bagay-bagay na ginagawa ng Diyos ay di-maaarok. Bilang isang nilikha, walang dahilan o kuwalipikasyon ang tao para punahin at husgahan ang Diyos. Kapag nangyayari ito, paano kayo makipagbabahaginan sa gayong tao? Dapat mong sabihin ito: “May mga maling pagkakaunawa ka tungkol sa Diyos, na sa sarili nito ay mali. Anuman ang ginawa ng Diyos na hindi umayon sa iyong mga kuru-kuro, dapat ka pa ring magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Kung may may isang bagay kang hindi nauunawaan, huwag kang basta-basta na lang manghusga at magkondena; dapat kang magdasal sa Diyos at hanapin ang katotohanan. Dahil mga tao tayo, mga tiwaling tao, at hindi tayo kailanman magiging Diyos. Kahit pa tinanggap natin at naunawaan ang bawat katotohanang ipinahayag ng Diyos, magiging mga tiwaling tao lang pa rin tayo, at palaging magiging Diyos ang Diyos. Kahit matamo natin ang katotohanan at gawing perpekto ng Diyos, kung hindi tayo gusto ng Diyos at kung nais Niyang lipulin tayo, hindi pa rin tayo dapat sumambit ng mga reklamo—dapat magpasakop ang isang nilikha sa bagay na ito. Kung ang isang napakaliit na bagay ay nagdudulot pa rin sa atin na magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at husgahan Siya, pinatutunayan lang nito kung gaano katiwali, kayabang, kabuktot, at kawalang-katwiran tayong mga tao. Una sa lahat, hindi natin kailanman inilagay ang sarili natin sa posisyon ng isang nilikha at pagkatapos ay itinuring ang Lumikha nang ganoon; ito ang unang pagkakamali. Ang ikalawang pagkakamali ay na palagi tayong nagmamasid sa Diyos, nag-iisip ng mga paraan kung paano makakukuha ng isang bagay na magagamit laban sa Kanya, at pagkatapos ay palaging nag-oobserba, nagsisiyasat, at nagsusuri—lalo pa itong mali. Hindi lang sa hindi tayo nananalig sa Diyos at hindi tinatanggap ang katotohanan o nagpapasakop sa katotohanan; pumapanig tayo kay Satanas at kumikilos bilang kasabwat nito, nakikipagsanib-puwersa rito para hiyawan ang Diyos, para makipagkumpitensya at komprontahin ang Diyos—hindi ito dapat gawin ng isang nilikha. Kung ano ang ginagawa ngayon ng Diyos, tama man ito o mali sa palagay ng mga tao, alinmang aspekto ng katotohanan ito umaayon, at paano man ito tumutugma sa matuwid na disposisyon ng Diyos, walang kinalaman ang lahat ng iyan sa atin. Tayo ay mga nilikha; ano dapat ang mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin natin? Ang magpasakop at tumanggap nang walang kondisyon. Kung naniniwala tayong mga nilikha tayo, na tama ang anumang ginagawa ng Diyos, at na kung dapat nating tanggapin ito nararamdaman man nating nakatutulong, nakapagkakait, nakapipinsala, o nakasasakit ito sa atin, tinatawag itong pagpapasakop, tinatawag itong pagkakaroon ng isang may-takot-sa-Diyos na puso. Ganito dapat ang isang tunay na nilikha. Paano tayo maikukumpara kay Abraham, kay Job, kay Pedro? Napakalayo natin sa kanila. Kung pag-uusapan natin ang mga kuwalipikasyon, wala tayong kuwalipikasyong makipag-usap sa Diyos, walang kuwalipikasyong magkaroon ng mga maling pagkaunawa sa Diyos, at walang kuwalipikasyong kilatisin o husgahan ang isang bagay na ginagawa ng Diyos.” Siyempre hindi matutuwa ang mga taong marinig na wala sila ng alinman sa mga kuwalipikasyong ito, subalit ito ang dapat mong sabihin sa mga tiwaling tao dahil hindi ka maaaring makipagkatwiran sa kanila. Ang pangangahas na magsalita tungkol sa mga kuwalipikasyon at dahilan sa Diyos—hindi ba’t kayabangan at pagmamagaling ito, at pagiging manhid sa katwiran? Samakatuwid, tanging sa pamamagitan lang ng pagsasalita sa gayong tuwirang paraan sila makauunawa; makakalutas sa ilang problema ang pagbabahaginang tulad nito.
Iyong mga tunay na nagpapasakop sa Diyos at tunay na tumatanggap sa katotohanan ay hindi dapat magkaroon ng mga maling pagkakaunawa sa Diyos, at hindi dapat na magbigay ng kanilang pagkilatis o paghuhusga sa anumang bagay na ginagawa ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Kautusan, sinabi ng Diyos na bibigyan Niya si Abraham ng isang anak na lalaki. Ano ang sinabi ni Abraham tungkol dito? Wala siyang sinabi—nanalig siya sa sinabi ng Diyos. Ito ang saloobin ni Abraham. Gumawa ba siya ng anumang paghuhusga? Nanuya ba siya? Palihim ba siyang gumawa ng anumang bagay? Hindi niya ginawa ito, ni hindi siya nanlinlang nang kahit kaunti. Ito ang tinatawag na pagpapasakop; ito ang tinatawag na pananatiling tapat ng tao sariling lugar at sariling tungkulin. Pagdating sa kanyang asawa, si Sara—hindi ba siya naiiba kay Abraham? Ano ang saloobin niya sa Diyos? Siya ay nanguwestiyon, nanuya, hindi nanalig—at nanghusga siya, at gumawa siya ng kaunting panlilinlang, ibinigay kay Abraham ang kanyang alipin bilang kalaguyo, ginawa ang gayong hindi makatwirang bagay. Nanggaling ito sa kalooban ng tao. Hindi nanatili sa sarili niyang lugar si Sara; pinagdudahan niya ang mga salita ng Diyos at hindi siya nanalig sa Kanyang pagiging makapangyarihan. Ano ang dahilan ng kanyang hindi pananalig? May dalawang dahilan at konteksto. Ang isa ay na masyado nang matanda si Abraham noon. Ang isa pa ay na siya rin mismo ay masyado nang matanda at walang kakayahang magdalantao, kaya’t naisip niyang, “Imposible ito. Paano ito isasakatuparan ng Diyos? Hindi ba’t kakatwa ito? Hindi ba’t tila pagbibiro ito sa isang bata?” Hindi niya tinanggap o pinananiwalaan ang sinabi ng Diyos bilang katotohanan kundi itinuring ito bilang isang biro, iniisip na nakikipagbiruan ang Diyos sa mga tao. Ito ba ang tamang saloobin? (Hindi.) Ito ba ang saloobin na dapat mayroon ang isang tao sa pagtrato niya sa Lumikha? (Hindi.) Kaya nanatili ba siya sa kanyang lugar? (Hindi.) Hindi siya nanatili. Dahil itinuring niyang biro ang mga salita ng Diyos at hindi bilang katotohanan, at dahil hindi pinaniwalaan ang sinabi ng Diyos o kung ano ang gagawin Niya, kakatwa ang ikinilos niya, na nagdulot ng magkakasunod na mga kahihinatnan, na nanggaling lahat sa kalooban ng tao. Ang diwa ng sinabi niya ay: “Kaya ba itong gawin ng Diyos? Kung hindi, dapat akong kumilos upang makatulong na matupad ang mga salitang ito ng Diyos.” Sa kanyang kalooban, may mga maling pagkaunawa, paghatol, haka-haka, at katanungan, na bahaging lahat ng paghihimagsik laban sa Diyos mula sa isang taong may tiwaling disposisyon. Ginawa ba ni Abraham ang mga bagay na ito? Hindi niya ginawa, at kung kaya’t iginawad sa kanya ang pagpapalang ito. Nakita ng Diyos ang saloobin ni Abraham sa Kanya, ang kanyang may takot sa Diyos na puso, ang kanyang katapatan, ang kanyang tunay na pagpapasakop, at bibigyan siya ng Diyos ng anak na lalaki upang maging ama siya ng maraming bayan. Ito ang ipinangako kay Abraham at si Sarah ay nakinabang nang hindi inaasahan dito Samakatuwid, napakahalaga ng pagpapasakop. May pangunguwestiyon bang nakapaloob sa pagpapasakop? (Wala.) Kung mayroon, maituturing pa rin ba ito bilang tunay na pagpapasakop? (Hindi.) Maibibilang ba ito kung may napapasaloob ditong pagsusuri at paghatol? (Hindi.) At kung sinusubukan ng isang tao na maghanap ng kapintasan? Lalo pa itong hindi kabilang. Sa gayon, ano ang naipapamalas at naihahayag—at ano ang pag-uugali—na napapaloob sa pagpapasakop na ganap na nagpapatunay rito na totoo? (Paniniwala.) Ang tunay na paniniwala ay isang bagay. Kailangang maunawaan nang wasto ng isang tao kung ano ang sinasabi at ginagawa ng Diyos, at kumpirmahin na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama at ang katotohanan; hindi kailangang pagdudahan ito, o kaya ay magtanong sa iba tungkol dito, at hindi ito kailangang timbangin at pag-isipan o suriin sa sariling puso. Isa itong aspekto ng nilalaman ng pagpapasakop, pinaniniwalaan na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama. Kapag may ginagawa ang isang tao, maaaring tingnan kung sino ang gumawa nito, kung ano ang kanyang kinalakhan, kung mayroon ba siyang nagawang anumang masamang gawa, at kung ano ang kanyang karakter. Nangangailangan ang mga bagay na ito ng pagsusuri. Kung, sa kabilang banda, ang isang bagay ay nagmula sa Diyos at ginawa Niya, dapat mong takpan kaagad ang bibig mo at huwag kang magdalawang-isip—huwag itong pagdudahan at huwag magtanong, kundi tanggapin ito nang ganap. At ano ang susunod na gagawin? Mayroong ilang katotohanan dito na hindi masyadong nauunawaan ng mga tao, at hindi nila nakikilala ang Diyos. Bagaman naniniwala sila na gawa ito ng Diyos at na may kakayahang magpasakop, hindi nila tunay na nauunawaan ang katotohanan. Ang nauunawaan nila ay tila may kalikasang doktrinal pa rin, at hindi sila mapakali sa kanilang puso. Sa mga pagkakataong ito, dapat silang maghanap, nagtatanong na, “Anong katotohanan ang mayroon dito? Nasaan ang kamalian sa aking pag-iisip? Paano ako napalayo sa Diyos? Alin sa mga sarili kong pananaw ang taliwas sa mga sinasabi ng Diyos?” Sunod, dapat nilang hanapin ang mga bagay na ito. Ito ang saloobin at pagsasagawa ng pagpapasakop. May mga nagsasabing nagpapasakop sila, subalit kapag may nangyari sa kanila kalaunan, iniisip nilang, “Sino ang nakababatid sa ginagawa ng Diyos? Hindi dapat makialam tayong mga nilikha. Hayaan nating gawin ng Diyos anuman ang Kanyang nais!” Pagpapasakop ba ito? (Hindi) Anong uri ng saloobin ito? Pag-iwas ito sa pag-ako ng responsabilidad; kawalan ito ng malasakit sa ginagawa ng Diyos at malamig na pagsasawalang-bahala rito. Nagawang magpasakop ni Abraham dahil may sinunod niya ang ilang prinsipyo, at determinado siya sa kanyang paniniwala na dapat mangyari at dapat matupad ang mga sinasabi ng Diyos,—100 porsyento siyang nakatitiyak sa dalawang “dapat” na ito. Samakatuwid, hindi siya nanguwestiyon, hindi siya gumawa ng anumang pagtatasa, o kaya ay nagsagawa ng anumang maliit na panlilinlang. Ganoon ang inasal ni Abraham sa kanyang pagpapasakop.
Isa itong pagpapala na nakamit ni Abraham mula sa Diyos. Hindi siya nagkaroon ng anumang pagdududa, at hindi niya inihalo ang kalooban ng tao sa anumang ginawa niya. Gayunpaman, malinaw na naiiba ang sitwasyong hinarap ni Job kaysa kay Abraham. Ano ang pinagkaiba nito? Ang nakatagpo ni Abraham ay isang pagpapala, ito ay isang mabuting bagay; halos 100 taong gulang na siya, wala siyang anak at umasang magkakaroon ng anak nang ipinangako sa kanya ng Diyos na bibigyan siya ng isang anak na lalaki. Paanong hindi siya magiging masaya? Tiyak na handa siyang magpasakop. Subalit ang nakatagpo ni Job ay kasawiang-palad; bakit nagawa pa rin niyang magpasakop? (Nanalig siya sa kanyang puso na ang lahat ay gawa ng Diyos.) Ito ay isang aspekto. May isa pa, madalas ay kayang magpasakop ng mga tao kapag hindi sila masyadong dumanas ng pagdurusa, at kaya nilang magpasakop kapag nagkakaloob ang Diyos ng mga pagpapala; subalit kapag inaalis ng Diyos ang mga ito, hindi na madali para sa kanila ang magpasakop. Pagdating kay Job, anong uri ng pananaw ang mayroon siya, anong uri ng pagkamakatwiran ang taglay niya, anong mga katotohanan ang naunawaan niya, o anong aspekto ng pagkaunawa sa Diyos ang nasa kanya para matanggap niya at makapagpasakop siya sa kasawiang-palad na iyon? (Nanalig siya na ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos ay mabuti. Nanalig siya sa puso niya na ang lahat ng bagay na mayroon siya ay ibinigay ng Diyos, hindi bunga ng sarili niyang pagsisikap—ang pagbawi ng Diyos dito ay awtoridad din Niya. Taglay niya ang ganitong uri ng pagkamakatwiran, kaya’t nagawa niyang tumanggap at magpasakop.) Kung nananalig ang mga tao na mabuti ang lahat ng ginagawa ng Diyos, madali para sa kanila ang magpasakop. Subalit madali pa rin bang magpasakop kapag tila lahat ng ginagawa ng Diyos ay naghahatid ng kasawiang-palad sa mga tao? Alin ang mas nagpapahiwatig ng tunay na pagpapasakop? (Ang nagagawa pa ring magpasakop kapag tila ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay naghahatid ng kasawiang-palad sa mga tao.) Kaya anong uri ng pagkamakatwiran at katotohanan ang tinaglay ni Job para magawa niyang tanggapin ang kasawiang-palad na iyon? (Tunay na tinrato ni Job ang Diyos bilang Diyos. Naunawaan ni Job na ang Diyos ay hindi lang ang Isa na nagkakaloob ng mga pagpapala at biyaya—kahit na kapag binabawi Niya, Siya pa rin ay Diyos; naunawaan rin ni Job na kahit pa nakatatagpo ng mga kalamidad ang isang tao, ito ay dahil pinahihintulutan ito ng Diyos. Anuman ang gawin ng Diyos, nananatili Siyang Diyos, at dapat palagi Siyang sambahin ng mga tao.) Pangunahin ay may kaunting pagkaunawa si Job sa Diyos, at maayos na inilugar ang kanyang sarili. Kinilala niya na hindi magbabago ang diwa ng Diyos dahil lang nagbabago ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay; na ang diwa ng Diyos ay palagi at magpakailanman na diwa ng Diyos, hindi ito nagbabago. Hindi ito na kung nagkakaloob ang Diyos ng mga pagpapala sa mga tao, Diyos Siya, at na kung lahat ng Kanyang ginagawa ay naghahatid ng kalamidad sa mga tao, nagdudulot ng pagdurusa at kaparusahan sa kanila, o lilipol sa kanila, nagbabago ang Kanyang diwa at tumitigil Siya sa pagiging Diyos. Hindi kailanman nagbabago ang diwa ng Diyos. Hindi rin nagbabago ang diwa ng tao; ibig sabihin, ang kalagayan at diwa ng tao bilang isang nilikha ay hindi kailanman magbabago. Kahit kaya mong matakot sa Diyos at makilala Siya, isa ka pa ring nilikha; hindi nagbabago ang iyong diwa. Ipinaranas ng Diyos kay Job ang gayong napakalalaking pagsubok, subalit nagawa pa rin ni Job na magpasakop at hindi magreklamo. Bukod sa pagkakaroon ng kaunting kaalaman sa Diyos, ano ang pinakamalaki niyang kalakasan na nagbigay sa kanya ng kakayahang magpasakop at hindi magreklamo? Ito ay na alam niya na ang mga tao ay palaging magiging mga tao; paano man sila tratuhin ng Diyos ay ganap na tama. Sa simpleng salita, paano ka man tratuhin ng Diyos ay ang paraan kung paano ka dapat tratuhin. Hindi ba nito ipinaliliwanag ang mga bagay-bagay? Huwag mong hingin kung paano ka dapat tratuhin ng Diyos, kung anong mga pagpapala ang dapat Niyang ibigay sa iyo, o kung anong mga pagsubok ang dapat Niyang iparanas sa iyo at kung ano ang dapat na maging kahalagahan ng Kanyang gawain sa iyo. Hindi mo dapat hingin ang mga bagay na ito, hindi makatwiran na hingin mo ang mga bagay na ito. Sa mga panahon ng kapayapaan at katiwasayan, sinasabi ng ilang tao na mabuti ang anumang ginagawa ng Diyos, subalit hindi nila ito matanggap kapag may nangyayaring hindi tugma sa kanilang mga kuru-kuro. Dapat itong lutasin sa pamamagitan ng katotohanan. Ano ang katotohanang ito? Ito ay ang pagiging matatag sa iyong sariling posisyon; paano ka man tratuhin ng Diyos ay nararapat at walang pagkakamali. Kahit paano ka pa tinatrato ng Diyos, Siya pa rin ang Diyos; hindi dapat humingi ang mga tao sa Kanya. Huwag mong tasahin ang pagiging tama ng Diyos, at huwag mong tasahin ang mga dahilan, layunin, o kahalagahan ng Kanyang mga kilos. Hindi kailangan ng mga bagay na ito ang iyong pagtatasa. Ang responsabilidad at tungkulin mo ay ang maging matatag sa iyong posisyon bilang isang nilikha at hayaan ang Diyos na mamatnugot ayon sa Kanyang kalooban. Iyan ang tamang paraan. Madali itong sabihin subalit mahirap isagawa; gayunpaman ay dapat maunawaan ng mga tao ang katotohanang ito. Tanging sa pamamagitan ng pagkaunawa sa katotohanan magkakaroon ka ng tunay na pagpapasakop kapag may nangyayari sa iyo.
May ilang tao, na nananalig sa Diyos at nakakapakinig ng mga sermon hanggang sa ngayon, ang nag-iisip na: “Nagawang magpasakop ni Job sa mga pagsubok na ibinigay sa kanya ng Diyos dahil alam ni Job na ang lahat ng bagay ay nagmumula sa kamay ng Diyos. Gaano man karami ang mga baka at tupa, o gaano man karami ang ari-arian, kayamanan, at mga anak na taglay ng isang tao, ipinagkaloob ang lahat ng ito ng Diyos—hindi ito nakadepende sa mga tao. Parang mga alipin ang mga tao sa harap ng Diyos, dapat nilang tiisin gaano man Niya sila tratuhin.” Ginagamit nila ang ganitong uri ng negatibong saloobin sa pagkilala sa Diyos; tama ba ang ganitong paraan ng pagkilala sa Diyos? Tiyak na hindi ito tama. Ano nga ba ang tamang paraan para makilala ang Diyos? (Ang mga tao ay mga nilikha, at ang Diyos ay Diyos magpakailanman. Paano man kumikilos ang Diyos, dapat hayaan lang ng mga tao ang Diyos na pamatnugutan sila ayon sa Kanyang kagustuhan.) Tama iyan. Huwag mong hingin na kumilos dapat ang Diyos sa isang partikular na paraan. Huwag mong hingin na ipaliwanag dapat lahat ng Diyos sa iyo sa pagbabahaginan. Kung hindi Niya ito nililinaw, hindi ka dapat makipagtalo sa Diyos, iniisip na mayroon kang katwiran. Mali ito. Ito ay labis na kayabangan at pagmamagaling, at lubhang walang konsensiya at katwiran; hindi ito ang dapat na sinasabi ng isang nilikha. Maging si Satanas ay hindi nangangahas na magsalita sa Diyos sa gayong histerikal na paraan—isa kang tiwaling tao, paanong mas mayabang ka pa kay Satanas? Saan ba dapat lumugar ang mga tao kapag nakikipag-usap sila sa Diyos? Paano ba dapat unawain ng isang tao ang usaping ito? Ang totoo, ipinaliliwanag na ng pahayag ni Job na, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” kung bakit nagawa niyang magpasakop sa Diyos, at may katotohanang dapat na hanapin mula rito. Nagpahayag ba siya ng anumang reklamo o hinaing nang sinabi niya ito? (Hindi.) Mayroon bang anumang kalabuan o mga negatibong implikasyon? (Wala.) Tiyak na wala. Sa huli ay napagtanto ni Job mula sa kanyang mga karanasan na wala sa mga tao ang pagpapasya kung paano sila tinatrato ng Diyos. Maaaring medyo hindi ito kaaya-ayang pakinggan, subalit ito ang katunayan. Isinaayos ng Diyos ang tadhana ng bawat isa para sa buong buhay nila; tanggapin mo man ito o hindi, ito ang katotohanan. Hindi mo mababago ang iyong tadhana. Ang Diyos ang Lumikha, at dapat kang magpasakop sa lahat ng Kanyang pamamatnugot at pagsasaayos. Kahit ano pa ang ikilos ng Diyos ay tama dahil Siya ang katotohanan at Siya ang Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, at dapat na magpasakop ang mga tao sa Kanya. Kabilang ka sa “lahat ng bagay” na ito, at kabilang dito ang lahat ng nilikha. Kaninong kasalanan, kung gayon, na palagi mong gustong lumaban? (Sarili naming kasalanan ito.) Problema mo ito. Palagi mong gustong maghanap ng mga dahilan at maghanap ng kapintasan; tama ba ito? Gusto mo palaging makatanggap ng mga pagpapala at pakinabang mula sa Diyos; tama ba ito? Wala sa mga ito ang tama. Kinakatawan ng mga pananaw na ito ang maling kaalaman at pagkaunawa sa Diyos. Mismong dahil mali ang iyong pananaw sa pananalig sa Diyos, hindi maiiwasang makikipagtagisan, makikipagtalo, at sasalungat ka sa Diyos sa tuwing nahaharap ka sa ilang sitwasyon, palaging iniisip na, “Maling gawin ito ng Diyos; hindi ko ito nauunawaan. Magpoprotesta ang lahat sa paggawa Niya nito nang ganoon. Hindi tulad ng Diyos ang gumawa nang ganoon!” Subalit ang usaping ito ay hindi tungkol sa kung ano ang Diyos; anuman ang ginagawa ng Diyos, Siya pa rin ang Diyos. Kung wala ka ng ganitong katwiran at ng ganitong pagkaunawa, palaging nagsisiyasat at nagsasapantaha kapag may mga nangyayari sa iyo bawat araw, ang resulta ay na makikipagtalo ka lang at sasalungat sa Diyos sa bawat pagkakataon, at hindi mo magagawang makawala sa kalagayang ito. Subalit kung taglay mo ang pagkaunawang ito at lumalagay ka sa lugar ng isang nilikha, at kapag nahaharap ka sa mga sitwasyon ay ikinukumpara mo ang iyong sarili sa aspektong ito ng katotohanan at isinasagawa ito at pumapasok rito, madaragdagan ang panloob na takot mo sa Diyos sa paglipas ng panahon. Hindi sinasadyang mapagtatanto mo na: “Lumalabas na hindi mali ang ginagawa ng Diyos; lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti. Hindi kinakailangang siyasatin at suriin ito ng mga tao; magpasailalim ka lang sa pamamatnugot ng Diyos!” At kapag nabatid mo sa sarili mong hindi mo kayang magpasakop sa Diyos o tanggapin ang Kanyang mga pangangasiwa, makararamdam ng pagsaway ang iyong puso: “Hindi ako naging isang mabuting nilikha. Bakit hindi na lang ako magpasakop? Hindi ba ito nagpapalungkot sa Lumikha?” Habang mas ninanais mo na maging isang mabuting nilikha, mas lumalago ang iyong pagkaunawa at kalinawan sa aspektong ito ng katotohanan. Subalit habang mas iniisip mo ang iyong sarili bilang isang mahalagang tao, naniniwala na hindi ka dapat tratuhin ng Diyos nang ganito, na hindi ka Niya dapat pagsabihan nang ganoon, na hindi ka Niya dapat pungusan at pamatnugutan nang ganoon, may problema ka. Kung marami kang hinihingi sa Diyos sa iyong puso, kung pakiramdam mo ay may maraming bagay na hindi dapat ginawa ng Diyos, tumatahak ka sa maling landas; lalabas ang mga kuru-kuro, panghuhusga, at panlalapastangan, at hindi ka malayo sa paggawa ng kasamaan. Kapag naririnig ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ang mga salita ng Diyos, nagsisimula silang magsuri at magsiyasat, unti-unting nagdudulot ng mga pagdududa at panlalait. Pagkatapos ay nagsisimula silang manghusga, tumanggi, at mangondena—ito ang resulta. Masyadong napakaraming tao ang tumatrato sa Diyos nang ganito, na dulot lahat ng kanilang tiwaling disposisyon.
Palaging iniisip ng ilang tao na, “Isa akong tao. Totoo na ang Diyos ang Lumikha, subalit dapat Niya akong igalang at unawain, dapat Niya akong mahalin at protektahan.” Tama ba ang pananaw na ito? Nasa Diyos ang huling salita sa kung paano Niya mamahalin ang mga tao. Ang Diyos ang Lumikha; nasa sa kamay Niya kung paano Niya tinatrato ang Kanyang mga nilikha. Ang Diyos ay may sarili Niyang mga prinsipyo at sarili Niyang mga disposisyon; walang silbi para sa mga tao ang magkaroon ng mga hinihingi. Sa halip ay dapat nilang matutuhan kung paano unawain ang Diyos at magpasakop sa Kanya, ito ang katwiran na dapat taglayin ng mga tao. Sinasabi ng ilang tao na: “Marahas ang Diyos sa mga tao. Ang paggawa ng mga ganitong bagay ay hindi pagmamahal sa mga tao. Hindi Niya nirerespeto ang mga tao o tinatrato sila bilang mga tao!” Ang ilang tao ay hindi mga tao, mga demonyo sila. Katanggap-tanggap ang anumang paraan ng pagtrato sa kanila; karapat-dapat silang sumpain at hindi sila karapat-dapat sa respeto. May mga taong nagsasabi na, “Medyo mabuti akong tao; wala akong ginawang anuman para labanan ang Diyos, at labis akong nagdusa para sa Kanya. Bakit pinupungusan pa rin Niya ako nang ganoon? Bakit palagi Niya akong pinababayaan? Bakit hindi Niya ako kailanman kinikilala o iniaangat?” Sinasabi pa rin ng iba na, “Ako ay isang simple at tapat na tao; nananalig ako sa Diyos mula noong nasa sinapupunan pa lang ako, at nananalig pa rin ako sa Kanya ngayon. Napakadalisay ko! Iniwan ko ang aking pamilya at ang aking trabaho para igugol ang aking sarili para sa Diyos, at inisip ko kung gaano ako minahal ng Diyos. Ngayon, tila hindi gaanong minamahal ng Diyos ang mga tao, at pakiramdam ko ay pinabayaan ako, bigo at dismayado sa Kanya.” Hindi ba ito nakababahala? Ano ang maling ginagawa ng mga taong ito? Hindi sila nanatili sa tamang lugar nila; hindi nila alam kung sino sila, at palagi nilang iniisip na mahalagang tao sila, na dapat respetuhin at iangat, o pakaingatan at itangi ng Diyos. Kung palaging may mga gayong maling akala, mga gayong baluktot at hindi makatwirang hinihingi ang mga tao, napakamapanganib nito. Kahit papaano, kasusuklaman at kapopootan sila ng Diyos, at kung hindi sila magsisisi ay nanganganib silang matiwalag. Kaya’t ano ang dapat gawin ng mga tao, paano nila kikilalanin ang kanilang sarili, at paano nila itatrato ang kanilang sarili para matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, malutas ang mga kahirapang ito, at mabitiwan ang mga hinihingi nila sa Diyos? May ilang tao na isinaayos ng sambahayan ng Diyos para maging mga lider, at partikular silang masigasig. Pagkatapos nilang magtrabaho nang ilang sandali, natuklasang kaya nilang gawin ang ilang panlabas na gawain nang may sapat na husay subalit hindi nila kayang lumutas ng mga problema—hindi nila kayang magbahagi ng katotohanan para lutasin ang mga isyu, kaya’t ang kanilang tungkulin ng pamumuno sa iglesia ay pinalitan. Hindi ba’t sobrang naaangkop ito? Subalit nagsisimula silang makipagtalo at magreklamo, sinasabing, “Hindi maayos na ginampanan ng mga huwad na lider at anticristo na iyon ang mga nakatalaga sa kanilang trabaho; ang ginawa lang nila ay magdulot ng mga panggagambala at panggugulo. Dapat lang talaga silang palitan at itiwalag. Subalit wala akong ginawang anumang masama; bakit pinapalitan din ako?” Medyo masama ang loob nila. Bakit ganoon? Nararamdaman nila iyon dahil wala naman silang ginawang anumang masama, dapat pa rin silang maging lider at hindi dapat na palitan. Pakiramdam nila ay sobrang hindi naging patas ang sambahayan ng Diyos sa kanila. Punong-puno ng reklamo at paglaban ang kanilang puso, at lumilitaw sa kanila ang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, na humahantong sa di-balanseng kalooban: “Hindi ba’t sinabi na may mga prinsipyo para sa paghalal at pag-aalis ng mga lider? Sa tingin ko, walang prinsipyo sa nangyari, nagkamali ang Diyos!” Sa madaling salita, hangga’t ang Diyos ay gumagawa ng isang bagay na nakapipinsala sa kanilang mga interes at nakasasakit sa kanilang damdamin, nagsisimula silang maghanap ng mali. Problem ba ito? Paano malulutas ang problemang ito? Dapat mong kilalanin ang sarili mong identidad, dapat mong malaman kung sino ka. Anumang uri ng mga kaloob o lakas ang mayroon ka, o gaano man karaming kasanayan o kakayahan ang mayroon ka, o gaano man karami ang kabutihang natamo mo mula sa sambahayan ng Diyos, o magkano man ang nasingil mo, o gaano man karaming kapital ang iyong naipon, ang mga bagay na ito ay balewala sa Diyos, at kung tila mahalaga ang mga ito mula sa kinatatayuan mo, wala bang lumitaw na hindi pagkakaunawaan at mga pagkakasalungat sa pagitan mo at ng Diyos? Paano dapat malutas ang problemang ito? Kung nais mong paliitin ang agwat sa pagitan mo at ng Diyos, at lutasin ang mga pagkakasalungat na ito, paano ito dapat gawin? Dapat mong tanggihan ang mga bagay na sa tingin mo ay tama at pinanghahawakan mo. Sa paggawa nito, mawawala na ang agwat sa pagitan mo at ng Diyos, at tatayo ka nang maayos sa iyong lugar, at magagawa mong magpasakop, kilalanin na lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama, itatwa ang iyong sarili at bitiwan ang iyong sarili. Hindi mo na ituturing ang kabutihang nakuha mo na isang uri ng kapital, ni hindi mo na susubukan na magtakda ng mga kondisyon sa Diyos, o humingi sa Kanya, o humiling sa Kanya ng gantimpala. Sa pagkakataong ito, mawawala na ang iyong mga paghihirap. Bakit lumilitaw ang mga maling paniniwala ng lahat ng tao sa Diyos? Lumilitaw ang mga ito sapagkat hindi kayang sukatin ng mga tao ang sarili nilang mga kakayahan; para mas tumpak, hindi nila alam kung anong uri sila ng mga bagay sa paningin ng Diyos. Masyado nilang binibigyang halaga ang kanilang sarili at inilalagay sa napakataas na posisyon ang kanilang sarili sa mata ng Diyos, at nakikita nila ang itinuturing nilang halaga at kapital ng isang tao bilang ang katotohanan, bilang ang mga pamantayang ginagamit ng Diyos para sukatin kung sila ay maililigtas. Mali ito. Dapat mong malaman kung ano ang uri ng lugar mayroon ka sa puso ng Diyos, kung paano ka tinitingnan ng Diyos, at ang naaangkop na posisyon na dapat mong taglayin kapag humaharap ka sa Diyos. Dapat mong malaman ang prinsipyong ito; sa paraang ito, ang iyong mga pananaw ay magiging alinsunod sa katotohanan at aayon sa mga pananaw ng Diyos. Dapat taglayin mo ang katwirang ito at dapat ay magawa mong magpasakop sa Diyos; paano ka pa man Niya tinatrato, dapat kang magpasakop. Pagkatapos ay mawawalan na ng anumang kontradiksiyon sa pagitan mo at ng Diyos. At kapag tinrato ka muli ng Diyos sa Kanyang pamamaraan, hindi mo ba magagawang magpasakop? Makikipagtalo ka pa rin ba at sasalungat sa Diyos? Hindi mo ito gagawin. Kahit makaramdam ka pa ng kaunting pagkabalisa sa iyong puso, o maramdaman mo na hindi tulad nang ninanais mo ang pagtrato sa iyo ng Diyos at hindi mo maunawaan kung bakit tinatrato ka Niya nang ganoon, gayunman, dahil nauunawaan mo na ang ilang katotohanan at tinataglay ang ilang realidad, at dahil nagagawa mo nang manatiling tapat sa iyong posisyon, hindi mo na lalabanan ang Diyos, na nangangahulugang hindi na iiral ang mga kilos at pag-uugali mo na magdudulot ng iyong pagkasawi. At hindi ba magiging ligtas ka na noon? Sa oras na maging ligtas ka, makararamdam ka ng katatagan, na nangangahulugang nagsimula ka nang tumahak sa landas ni Pedro. Tingnan mo, nanalig si Pedro sa Diyos nang napakaraming taon, napakatagal niyang inapuhap ang daan, at labis na nagdusa. Pagkatapos niyang maranasan ang maraming pagsubok ay saka pa lang niya naunawaan sa wakas ang ilang katotohanan at nagtaglay ng ilang katotohanang realidad. At pagdating sa inyong lahat ngayon, marami na Akong nasabi, naipaliwanag nang maayos ang lahat—katumbas ito ng paghahain ng mga bagay-bagay sa isang pinggan, hindi ba? Marami na kayong natamo nang hindi lumilihis; nakuha ninyong lahat ang higit sa inaasahan. Kaya bakit wala pa rin kayong kasiyahan? Hindi na kayo dapat magkaroon ng anumang karagdagang hinihingi.
Ano ang pangunahin nating pinagbahaginan ngayon? Ang isang aspekto ay ang regular na pagbibigay ng pansin sa pagsisiyasat ng iba’t ibang aspekto ng iyong kalagayan, at pagkatapos ay sinusuri ang mga ito para malaman kung tama ba ang mga ito. Ang isa pang aspekto ay ang paglutas sa iba’t ibang maling pagkaunawa sa Diyos na lumilitaw sa iyo. Kapag mayroon kang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, may nagmamatigas at kinikilingang mga elemento sa iyo na pipigil sa iyo na hanapin ang katotohanan. Kung maalis na ang iyong mga maling pagkaunawa sa Diyos, magagawa mong hanapin ang katotohanan; kung hindi pa, madarama mo sa puso mo na napapalayo ka, at mananalangin ka sa paimbabaw na paraan; ito ay pandaraya sa Diyos, at hindi talaga Siya makikinig. Kung magkaroon ka ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, lumilikha ng distansiya at paghihiwalay sa pagitan mo at ng Diyos, at sarado ang puso mo sa Kanya, hindi ka makikinig sa Kanyang mga salita o hahanapin ang katotohanan. Anuman ang gawin mo, ginagawa mo lamang iyon nang walang interes, na nagkukunwari at nanlilinlang. Kapag nalutas ang mga maling pagkaunawa ng tao sa Diyos at nalampasan niya ang sagabal na ito, igagalang niya ang bawat salita at hinihingi ng Diyos nang may katapatan, at lalapit sa Kanya nang taimtim at nang may matapat na puso. Kung, sa pagitan ng tao at ng Diyos, may kontradiksiyon, agwat, at di-pagkakaunawaan, anong papel ang ginagampanan ng tao? Ito ay ang papel ni Satanas, at ito ay sumasalungat sa Diyos. Ano ang mga kahihinatnan ng pagsalungat sa Diyos? Maaari bang magpasakop sa Diyos ang gayong tao? Matatanggap ba niya ang katotohanan? Hindi. Kung hindi niya magagawa ang alinman sa mga bagay na ito, ang tao na iyon ay mauuwi sa wala, at titigil ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon. Samakatwid, kapag sinusuri ng tao ang iba’t ibang kalagayan niya, sa isang banda ay ginagawa ito upang makilala ang sarili, samantalang sa kabilang banda, nangangailangan ito ng pagtutuon sa pagsusuri kung ano ang mga maling pagkaunawa ng tao sa Diyos. Ano ang napapaloob sa mga maling pagkaunawang ito? Mga kuru-kuro, imahinasyon, paglilimita, pagdududa, pagsisiyasat, at pagbabaka-sakali—pangunahin ang mga bagay na ito. Kapag ang isang tao ay nagtataglay ng mga ito sa kalooban niya, mali ang pagkaunawa niya sa Diyos. Kapag nahulog ka sa mga kalagayang ito, nagkakaroon ng problema sa relasyon mo sa Diyos. Kailangan mong hanapin kaagad ang katotohanan upang malutas ito—at kailangan mo itong lutasin. Iniisip ng ilan na, “Nagkaroon ako ng maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, hindi ko magagampanan ang tungkulin ko hangga’t hindi ko nalulutas ang isyung ito.” Katanggap-tanggap ba ito? Hindi, hindi ito katanggap-tanggap. Huwag mong ipagpaliban ang pagganap ng iyong tungkulin, kundi gampanan ang iyong tungkulin at lutasin ang iyong isyu nang sabay. Habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, magsisimulang maging maayos ang iyong maling pagkaunawa tungkol sa Diyos nang hindi mo namamalayan, at matutuklasan mo kung saan nagmula ang problema mo at kung gaano iyon kaseryoso. Balang araw, maaari ninyong mapagtanto, “Ang tao ay isang nilikha, at ang Lumikha ay aking Panginoon magpakailanman; ang diwa nito ay hindi nagbabago. Ang katayuan ng tao ay hindi nagbabago, at ni hindi rin ang katayuan ng Diyos. Anuman ang gawin ng Diyos, at kahit ang tingin ng buong sangkatauhan ay mali ang Kanyang ginagawa, hindi ko maikakaila ang Kanyang nagawa, ni hindi ko maikakaila na Siya ang katotohanan. Ang Diyos ang pinakamataas na katotohanan, walang kakayahang gumawa ng mali kailanman. Dapat magpakatatag ang tao sa kanyang tamang posisyon; hindi niya dapat siyasatin ang Diyos, kundi tanggapin ang mga pagsasaayos ng Diyos at tanggapin ang lahat ng Kanyang salita. Lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay tama. Hindi dapat gumawa ang tao ng iba’t ibang kahilingan sa Diyos—hindi karapat-dapat ang mga nilikha na gawin ito. Kahit ituring ako ng Diyos na isang laruan, dapat pa rin akong magpasakop, at kung hindi, problema ko iyon, hindi ng Diyos.” Kapag mayroon kang karanasan at kaalaman tungkol sa aspektong ito ng katotohanan, tunay kang makapagpapasakop sa Diyos, at mawawalan ka na ng malalaking paghihirap, at, ginagampanan mo man ang iyong tungkulin o isinasagawa mo man ang iba’t ibang mga aspekto ng katotohanan, maraming paghihirap ang malulutas. Ang pagpapasakop sa Diyos ang pinakadakilang katotohanan, ito ang pinakamalalim na katotohanan. Maraming pagkakataon, kapag nahaharap ang mga tao sa iba’t ibang paghihirap, kapag may iba’t ibang balakid, o kapag nahaharap sila sa isang bagay na hindi nila matanggap, ano ang sanhi nito? (Hindi sila nakatayo sa tamang posisyon.) Nakatayo sila sa maling posisyon. Mayroon silang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos; nais nilang siyasatin ang Diyos at ayaw nilang tratuhin Siya bilang Diyos; nais nilang ikaila ang kawastuhan ng Diyos at nais nilang ikaila na ang Diyos ang katotohanan. Nagpapahiwatig ito na ayaw ng tao na maging isang nilikha, kundi gusto niyang pumantay sa Diyos, upang hanapan ng mali ang Diyos. Magdudulot ito ng problema. Kung magagampanan mo nang wasto ang iyong tungkulin at magiging matatag sa iyong lugar bilang isang nilikha, hindi ka tututol sa ginagawa ng Diyos sa anumang paraan. Maaari kang magkaroon ng ilang maling pagkaunawa, at maaari kang magkaroon ng ilang kuru-kuro, ngunit, kahit paano, magiging handa ang saloobin mo na tanggapin ang mga pagsasaayos ng Diyos, at magiging handa kang magpasakop sa Diyos, kaya hindi mo lalabanan ang Diyos.
Kahit na may pananampalataya si Job, alam ba niya kung ano ang nangyayari sa umpisa nang dumating sa kanya ang mga pagsubok ng Diyos? (Hindi.) Walang kakayahan ang mga tao na direktang pumasok sa espirituwal na dako; hindi alam ni Job kung ano ang nangyayari doon—ganap siyang walang kaalam-alam sa kahit ano. Kaya, nang dumating sa kanya ang mga pagsubok ng Diyos, tiyak na naguluhan siya, iniisip na, “Ah, ano ang nangyayari? Napakapayapa ng lahat, bakit bigla itong nangyari? Bakit biglang nawala sa akin ang lahat ng mga alagang hayop at ari-arian ko?” Naguluhan siya sa umpisa, subalit ang kalituhan ay hindi katumbas ng pagkakaroon ng mga maling pagkaunawa sa Diyos, ang kalituhan ay hindi katumbas ng kabiguang maunawaan ang ginagawa ng Diyos. Nangyari lang talaga ang lahat nang biglaan; walang anumang paunang kaalaman si Job, ni walang nagbigay sa kanya ng paunang babala—lubos siyang hindi handa. Gayunpaman, hindi ibig sabihin nito na gagawa siya ng mga maling pasya o tatahak sa maling landas, o na hindi niya kayang magpasakop. Kaya, anong sunod na ginawa ni Job? Tiyak na pinakalma niya ang kanyang puso at seryosong pinagnilayan ang kanyang mga kilos, at nagdasal sa Diyos. Pagkaraan ng ilang araw ng paghahanap, naabot niya ang isang kongklusyon: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Ang pagpapahayag na ito ni Job ay kumakatawan sa kanyang pananaw at sa landas na tinahak niya. Bagaman sa umpisa ay naguluhan si Job nang dumating sa kanya ang mga pagsubok, alam niya na gawa ito ng Diyos at hindi ng kalooban ng tao. Nang walang pahintulot ng Diyos, walang sinuman ang makagagalaw sa kung ano ang ibinigay ng Diyos sa mga tao, kahit pa si Satanas. Sa panlabas, tila may kaunting maling pagkaunawa si Job sa kung ano ang ginagawa ng Diyos; hindi niya alam kung bakit nangyayari ito sa kanya o ano ang ibig sabihin ng Diyos dito. Hindi niya lubos na naunawaan, subalit ang kanyang maling pagkaunawa ay hindi isang pagtanggi o pangunguwestiyon sa ginagawa ng Diyos; ang maling pagkaunawa ni Job ay ang uri na katanggap-tanggap sa Diyos. Kasunod nito, agad niyang napagtanto na nilayon ng Diyos na si Jehova na kunin ang lahat ng mayroon siya, at na tama ang ginagawa ng Diyos; kaagad siyang lumuhod para tanggapin ito. Maaabot ba ng mga ordinaryong tao ang antas na ito? Hindi nila maaabot. Kahit gaano pa naguluhan si Job nang oras na iyon, o gaano katagal ang inabot niya bago lumuhod at tinanggap ang lahat ng dumating sa kanya, ang saloobin niya ay palaging lumugar sa posisyon ng isang nilikha. Sa pagharap sa mga pangyayaring ito, hindi niya sinabi na, “Mayaman ako at napakarami kong mga alipin, paanong basta na lang aalisin sa akin ang mga bagay na ito nang ganoon lang? Kailangan kong sabihin sa mga alipin ko na bawiin agad ang mga iyon.” Ginawa ba niya iyon? Hindi niya ginawa. Malinaw sa kanyang puso na gawa ito ng Diyos, at na walang anumang magagawa ang tao rito. Ang makialam rito ay mangangahulugan ng pagsalungat sa ginawa ng Diyos at pagsalungat sa lahat ng nangyari sa kanya. Hindi siya sumambit ng kahit isang reklamo noong oras na iyon, ni hindi niya hinusgahan kung ano ang nangyayari o nakialam para subukang baligtarin ang lahat. Naghintay lang siya at tahimik na nagmasid kung paano malalahad ang mga bagay-bagay, tinitingan kung ano ang gagawin ng Diyos. Mula simula hanggang katapusan, ang ginawa ni Job ay ang kumapit sa kanyang tamang lugar, ibig sabihin, kumapit siya sa lugar ng isang nilikha. Ito ang kanyang naging pagganap. Bagaman medyo naguluhan si Job nang mangyari sa kanya ang mga kaganapang ito, nagawa niyang hanapin at kilalanin na ang lahat ng ginawa ng Lumikha ay tama, at pagkatapos ay nagpasakop siya. Hindi niya ginamit ang mga pamamaraan ng tao para lutasin ang isyu. Nang dumating ang mga tulisan, hinayaan niya silang kunin ang maaari nilang kunin; hindi siya nagpadala sa kanyang kapusukang labanan sila. Inisip niya sa puso niya na, “Nang walang pahintulot ng Diyos, wala silang makukuhang kahit ano. Ngayong nakuha nila ang lahat, malinaw na pinahintulutan ito ng Diyos. Mawawalan ng silbi ang anumang pakikialam ng tao. Hindi dapat magpadala ang mga tao sa kanilang kapusukan, hindi sila maaaring makialam.” Ang hindi pakikialam ay hindi nangangahulugang kinukunsinti niya ang mga tulisan; hindi ito tanda ng kahinaan o takot sa mga tulisan. Sa halip, kinatakutan niya ang kapangyarihan ng Diyos at mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Sinabi niya na, “Hayaan silang kunin ito. Kung tutuusin, ibinigay ang mga bagay na ito ng Diyos.” Hindi ba’t ito ang dapat sabihin ng isang nilikha? (Oo.) Wala siyang anumang reklamo. Hindi siya nagpadala ng sinuman para lumaban o bawiin ang mga pag-aari niya o protektahan ang mga pag-aari niya. Hindi ba ito isang tunay na pagpapamalas ng pagpapasakop sa Diyos? (Oo.) Nagagawa niya lang ito dahil may tunay na pagkaunawa siya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung wala ang pagkaunawang ito, malamang na gumamit siya ng mga pamamaraan ng tao para lumaban at bawiin ang mga pag-aari niya, at paano kaya ito titingnan ng Diyos? Hindi ito pagpapasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos. Wala itong pagkaunawa sa mga bagay-bagay na ginawa ng kapangyarihan ng Diyos, at mawawalan ng kabuluhan ang pananalig sa Kanya nitong mga nagdaang taon. Ang pagiging masaya kapag nagbibigay ang Diyos subalit sumasama ang loob kapag binabawi Niya ang mga bagay-bagay, nag-aalinlangan at nagnanais na bawiin nang puwersahan ang mga ito; hindi pagiging kontento sa kung ano ang ginagawa ng Diyos, ayaw na mawala ang mga bagay na ito; tinatanggap lang ang mga gantimpala subalit hindi ang Kanyang mga pagkakait; ayaw magpasakop sa mga pamamatnugot ng kamay ng Diyos—pagkilos ba ito mula sa posisyon ng isang nilikha? (Hindi.) Ito ay paghihimagsik, ito ay pagsalungat. Hindi ba’t madalas na ipinakikita ng mga tao ang mga pag-uugaling ito? (Oo.) Ganap na kabaligtaran ito ng ginawa ni Job. Paano ipinahayag ni Job na kaya niyang katakutan si Jehova sa kalagayan ng isang nilikha, magpasakop at tanggapin ang mga pagsubok ng Diyos, at tanggapin kung ano ang ipinagkaloob sa kanya ng Diyos? Tumangis ba siya? Nagreklamo ba siya? Gumamit ba siya ng lahat ng uri ng pamamaraan at sistema ng tao para bawiin ang lahat? Hindi—hinayaan niya ang Diyos na kumuha nang malaya. Hindi ba ito pagkakaroon ng pananampalataya? May tunay siyang pananampalataya, tunay na pagkaunawa, at tunay na pagpapasakop. Walang isa man sa mga bagay na ito ang simple; kinakailangan ng lahat ng mga ito ng partikular na dami ng oras para maranasan, mahanap, at matanggap. Naipakita lang ni Job ang mga pagpapamalas na ito nang maabot niya ang partikular na antas ng pagkaunawa sa Lumikha. Ano ang sinabi ni Job sa huli? (“Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21).) At ano ang sinabi ng asawa ni Job? “Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka” (Job 2:9). Ang ibig niyang sabihin ay, “Huwag ka nang manalig. Kung ang Diyos talaga ang pinananaligan mo, bakit ka nahaharap sa mga kalamidad? Hindi ba ito paghihiganti? Wala kang ginawang anumang mali, bakit nangyayari ito sa iyo? Marahil mali ang pananampalataya mo?” Paano tinugunan ni Job ang kanyang asawa? Sinabi niya na: “Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng isa sa mga hangal na babae” (Job 2:10). Sinabi ni Job na hangal ang kanyang asawa; na wala siyang tunay na pananampalataya at pagkaunawa sa Diyos, kaya nakapagsasalita siya ng mga salita ng pagsuway laban sa Diyos. Hindi kilala ng asawa ni Job ang Diyos. Nang nangyari ang gayong kalaking bagay na malinaw na gawa ng Diyos, nakamamanghang hindi niya ito nakilala, at pinayuhan pa si Job, sinasabi na, “Mali ang tinatahak mong landas. Huwag ka nang manalig at abandonahin mo ang Diyos mo.” Nakagagalit marinig ang bagay na ito! Bakit niya hinikayat si Job na abandonahin ang Diyos? Dahil nawala sa kanya ang kanyang mga ari-arian at hindi na niya mapakinabangan ang mga ito. Mula sa pagiging isang mayamang babae ay naging isa siyang dukha na walang anumang pagmamay-ari. Hindi niya ikinisaya ang pagkakait ng Diyos, kaya sinabihan niya sa Job na huwag nang manalig, na may implikasyon na: “Hindi na ako nananalig, at hindi ka na rin dapat nananalig. Tinanggalan ang isang lubos na mabuting sambahayan, iniwan tayong walang-wala. Sa isang kisap-mata, nawala sa atin ang lahat, ang ating kayamanan ay naging karukhaan. Ano ang punto ng pananalig sa gayong Diyos? Huwag ka nang manalig!” Hindi ba’t mga hangal na salita ang mga ito? Ganito siya gumanap. Nakinig ba si Job sa kanya? Hindi siya nakinig; hindi nailigaw o nagulo si Job ng kanyang asawa, ni hindi tinanggap ni Job ang mga pananaw niya. Bakit hindi? Dahil sumunod si Job sa isang pahayag: “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Inisip niya na, “Lubhang normal ang lahat ng ito. Paano man kumikilos ang Diyos ay tama; dapat lang itong tanggapin ng mga tao. Hindi dapat nananalig ang mga tao sa Diyos para lang maghanap ng mga pagpapala. Natamasa ko ang mga pagpapala ng Diyos sa loob ng napakaraming taon nang walang ginagawang anuman para sa Diyos—ngayon ang oras para magpatotoo sa Kanya. Iyong kinukuha ng Diyos ay Kanya, maaari Niya itong kunin anumang oras Niya naisin. Hindi dapat magkaroon ng mga hinihingi ang mga tao, dapat lang silang tumanggap at magpasakop.” Kaya, dapat ka bang tumanggap ng mga pagpapala dahil sa pananalig sa Diyos? Ganito ba ito dapat? Kapag lubos nang naaarok ng isang tao ang usaping ito, magkakaroon siya ng tunay na pananampalataya.
Anuman ang ginagawa ng Lumikha ay tama at ang katotohanan. Anuman ang ginagawa Niya, ang Kanyang pagkakakilanlan at katayuan ay hindi nagbabago. Dapat Siyang sambahin ng lahat ng tao. Siya ang walang hanggang Panginoon at walang hanggang Diyos ng mga tao. Hindi kailanman mababago ang katunayang ito. Hindi lang dapat Siya kinikilala ng mga tao bilang Diyos kapag pinagkakalooban Niya sila ng mga regalo, o hindi Siya kikilalanin bilang Diyos kapag kinukuha Niya ang mga bagay-bagay mula sa kanila. Ito ay maling pananaw ng tao, hindi isang pagkakamali sa mga kilos ng Diyos. Kung nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, makikita nila ito nang malinaw, at kung, sa kaibuturan, ay nagagawa nilang tanggapin na ito ang katotohanan, magiging lalo pang normal ang relasyon nila sa Diyos. Kung sinasabi mong kinikilala mo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, subalit kapag may nangyayari ay hindi mo Siya nauunawaan, at sinisisi mo pa Siya at hindi ka tunay na nagpapasakop sa Kanya, walang kabuluhan kapag sinasabi mong kinikilala mo na katotohanan ang mga salita ng Diyos. Ang pinakamahalagang bagay ay na dapat magawang tanggapin ng iyong puso ang katotohanan, dapat magawa mong makita na ang mga kilos ng Diyos ay tama, at na Siya ay matuwid. Ito ang uri ng tao na nakauunawa sa Diyos. Maraming mananampalataya ang nakatuon lang sa pag-unawa ng doktrina. Kinikilala nila ang espirituwal na teorya, subalit kapag may nangyayari sa kanila, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at hindi sila nagpapasakop. Mapagpaimbabaw na mga tao ang mga ito. Karaniwang tama lahat ang mga bagay na sinasabi mo, subalit kapag may nangyayari na hindi umaayon sa mga sarili mong kuru-kuro, hindi mo ito nagagawang tanggapin. Nakikipagtalo ka sa Diyos, iniisip na hindi dapat ginawa ng Diyos ang ganito o ganyan. Hindi ka makapagpasakop sa gawain ng Diyos, at hindi mo hinahanap ang katotohanan o pinagnilayan ang iyong paghihimagsik. Ibig sabihin nito na hindi ka mapagpasakop sa Diyos. Gusto mo palaging makipagtalo sa Diyos; iniisip mo palagi na nakahihigit ang iyong mga argumento kaysa sa katotohanan, na kung maibabahagi mo ito sa entablado, maraming tao ang susuporta sa iyo. Subalit kahit maraming tao pa ang sumusuporta sa iyo, lahat sila ay mga tiwaling tao. Hindi ba’t mga tiwaling tao ang lahat ng mga sumusuporta at ang sinusuportahan? Hindi ba’t silang lahat ay walang katotohanan? Kahit sinuportahan ka pa ng buong sangkatauhan at sinalungat ang Diyos, magiging tama pa rin ang Diyos. Magiging mali pa rin ang sangkatauhan, na naghimagsik at lumaban sa Diyos. Isa lang ba itong pagpapahayag? Hindi. Ito ay ang katunayan; ito ay ang katotohanan. Dapat na madalas na pagnilayan at danasin ng mga tao ang aspektong ito ng katotohanan. Ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa tatlong yugto, at maraming tao ang sumalungat sa bawat yugtong ito. Tulad nang dumating ang Panginoong Jesus para gawin ang gawain Niya ng pagtutubos, bumangon laban sa Kanya ang buong Israel. Subalit ngayon, ang sangkatauhan ay may bilyun-bilyong katao na kumikilalang lahat sa Panginoong Jesus bilang ang Tagapagligtas. Laganap sa buong mundo ang Kanyang mga mananampalataya. Tinubos na ng Panginoong Jesus ang buong sangkatauhan. Isa itong katunayan. Gustuhin man itong itanggi ng mga mamamayan ng alinmang bansa, wala itong magagawa. Kahit paano pa sinusuri ng mga tiwaling tao ang gawain ng Diyos, ang gawain ng Diyos at ang mga katotohanan na sinasabi ng Diyos ay palaging matuwid at tama. Kahit gaano pa karaming tao sa buong sangkatauhan ang bumangon laban sa Diyos, wala itong saysay. Tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos; hindi Siya gumagawa ng kahit pinakamaliit na pagkakamali. Dahil walang katotohanan ang mga tiwaling tao at ganap na hindi nakikita nang malinaw ang kabuluhan at diwa ng gawain ng Diyos, wala sa mga sinasabi nila ang umaayon sa katotohanan. Kahit ibuod mo pa ang lahat ng teorya ng sangkatauhan, hindi pa rin magiging katotohanan ang mga ito. Hindi mahihigitan ng mga ito ang alinman sa mga salita ng Diyos, o alinmang salita ng katotohanan. Ito ay isang katunayan. Kung hindi ito nauunawaan ng mga tao, dapat nila itong unti-unting maranasan. Ano ang paunang kinakailangan para sa karanasang ito? Dapat mo munang kilalanin at tanggapin na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Pagkatapos, dapat mong isagawa at danasin ang mga ito. Nang hindi namamalayan, matutuklasan mo na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan—ganap itong tama. Sa puntong iyon, sisimulan mong itangi ang mga salita ng Diyos, pahahalagahan ang paghahangad sa katotohanan, at magagawang tanggapin ang katotohanan sa iyong puso, at gawin itong buhay mo.
Setyembre 10, 2018