H. Tungkol sa Kung Paano Maabot ang Pagkatakot sa Diyos at Paglayo sa Kasamaan

415. Ang isang tunay na nilikha ay dapat makaalam kung sino ang Lumikha, para saan nilikha ang tao, paano isagawa ang mga responsabilidad ng isang nilikha, at paano sambahin ang Lumikha, dapat makaunawa, makaarok, makaalam, at magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin, pagnanais, at hinihingi ng Lumikha, at dapat sumunod sa daan ng Lumikha—matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.

Ano ang magkaroon ng takot sa Diyos? At paano maiiwasan ng isang tao ang kasamaan?

Ang “pagkatakot sa Diyos” ay hindi nangangahulugan ng di-maipaliwanag na sindak at pangamba, ni pag-iwas, ni paglayo, ni pag-iidolo, ni pamahiin. Sa halip, ito ay nangangahulugan ng paghanga, pagpipitagan, pagtitiwala, pag-arok, pagsasaalang-alang, pagpapasakop, dedikasyon, pagmamahal, at walang-kondisyon at walang-reklamong pagsamba, pagsukli, at pagpapasailalim. Kung walang tunay na pagkakilala sa Diyos, hindi magkakaroon ng tunay na paghanga, tunay na pagtitiwala, tunay na pag-arok, tunay na pagsasaalang-alang o pagpapasakop ang mga tao, kundi ng kilabot at pagkabalisa, tanging pagdududa, maling pagkaunawa, pag-iwas, at paglayo lamang; kung walang tunay na pagkakilala sa Diyos, ang mga tao ay hindi magkakaroon ng tunay na dedikasyon at pagsukli; kung walang tunay na pagkakilala sa Diyos, hindi magkakaroon ng tunay na pagsamba at pagpapasailalim ang mga tao, kundi bulag na pag-iidolo at pamahiin lamang; kung walang tunay na pagkakilala sa Diyos, imposibleng makasunod ang mga tao sa daan ng Diyos, o magkaroon ng takot sa Diyos, o umiwas sa kasamaan. Sa kabaligtaran, bawat aktibidad at pag-uugali ng tao ay mapupuno ng paghihimagsik at paglaban sa Diyos, na may kasamang mga paninira at mga paghusga tungkol sa Kanya, at masasamang gawa na taliwas sa katotohanan at sa tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos.

Kapag nagkaroon na ng tunay na pagtitiwala sa Diyos ang mga tao, talagang susunod at sasandal sila sa Kanya; sa tunay na pagsandig sa Diyos lamang maaaring tunay na maunawaan at maarok Siya ng mga tao; kasama sa tunay na pag-arok sa Diyos ang tunay na pagsasaalang-alang sa Kanya; tanging sa tunay na pagsasaalang-alang para sa Diyos maaaring tunay na makapagpasakop ang mga tao; sa tunay na pagpapasakop lamang sa Diyos magkakaroon ng tunay na dedikasyon ang mga tao; sa tunay na dedikasyon lamang sa Diyos maaaring magkaroon ang mga tao ng walang-kondisyon at walang-reklamong pagsukli; sa tunay na pagsandig, tunay na pagkaarok at pagsasaalang-alang, tunay na pagpapasakop, tunay na dedikasyon at pagsukli, saka lang tunay na makikilala ng mga tao ang disposisyon at diwa ng Diyos, at ang pagkakakilanlan ng Lumikha; kapag tunay na nilang nakilala ang Lumikha, saka lamang lilitaw sa loob nila ang tunay na pagsamba at pagpapasailalim; kapag may tunay na silang pagsamba at pagpapasailalim sa Lumikha, saka lamang sila tunay na makakalaya mula sa masasamang gawa—ibig sabihin, ang makaiwas sa kasamaan.

Ito ang buong proseso ng “pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan,” at ito rin ang buong nilalaman ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ito ang daan na kailangang bagtasin upang magkaroon ng takot sa Diyos at makaiwas sa kasamaan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita

416. Una sa lahat, alam natin na ang disposisyon ng Diyos ay pagiging maharlika at poot; hindi Siya isang tupang inilaan para makatay ninuman, lalong hindi Siya isang tau-tauhang iniwan para manipulahin ng mga tao kahit paano nila gusto. Hindi rin Siya isang hangin lang na ipinapatawag at pinapaalis kung gugustuhin. Kung talagang naniniwala ka na mayroong Diyos, dapat ay mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, at dapat mong malaman na ang Kanyang diwa ay hindi maaaring galitin. Maaaring magalit Siya dahil sa isang salita, o marahil ay sa isang kaisipan, o marahil ay sa isang uri ng ubod ng samang pag-uugali, o marahil ay sa isang uri ng banayad na pag-uugali, pag-uugaling katanggap-tanggap sa mga mata at etika ng mga tao o dahil sa isang doktrina o isang teorya. Gayunman, kapag napagalit mo na ang Diyos, nawala ang iyong pagkakataon, at dumating na ang katapusan ng mga araw mo. Kakila-kilabot na bagay ito! Kung hindi mo nauunawaan na hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala ang Diyos, kung gayon, marahil ay hindi ka natatakot sa Kanya, at marahil ay madalas kang gumagawa ng mga pagkakasala laban sa Kanya. Kung hindi mo alam kung paano matakot sa Diyos, kung gayon, hindi posibleng matakot ka sa Diyos, at hindi mo malalaman kung paano tumahak sa landas ng pagsunod sa daan ng Diyos—pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kapag nagkaroon ka na ng kamalayan, at alam mo na hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala ang Diyos, malalaman mo kung ano ang gagawin para matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

417. Bagaman ang diwa ng Diyos ay naglalaman ng elemento ng pagmamahal, at Siya ay maawain sa bawat isang tao, nakaligtaan at nakalimutan ng mga tao ang katunayan na ang Kanyang diwa ay nagtataglay ng dignidad. Ang pagkakaroon Niya ng pagmamahal ay hindi nangangahulugan na maaaring gumawa ng mga pagkakasala ang mga tao laban sa Kanya kung nanaisin nila, nang wala Siyang nararamdaman o reaksyon sa anumang paraan; ang pagkakaroon Niya ng awa ay hindi nangangahulugan na wala Siyang mga prinsipyo sa kung paano Niya tinatrato ang mga tao. Ang Diyos ay isang buhay na Diyos; ang Kanyang pag-iral ay totoong-totoo. Hindi Siya isang papet na nasa imahinasyon lang o anumang iba pang bagay. Yamang Siya ay umiiral, sa lahat ng oras ay dapat tayong makinig nang mabuti sa tinig ng Kanyang puso, magbigay ng masusing pansin sa Kanyang saloobin, at subukang unawain ang Kanyang mga damdamin. Huwag gumamit ng mga imahinasyon ng tao upang limitahan ang Diyos, at huwag ipilit sa Kanya ang mga kaisipan ng isip ng tao o ang mga nais ng kalooban ng tao, hinihiling sa Diyos na tratuhin ang mga tao gamit ang mga pamamaraan ng tao at batay sa mga imahinasyon ng tao. Kung gagawin mo ito, ginagalit mo ang Diyos, sinusubok ang Kanyang galit, at hinahamon ang Kanyang dignidad! Kaya, sa sandaling maunawaan ninyo kung gaano kalubha ang usaping ito, hinihimok Ko ang bawat isa sa inyo na maging maingat at mahinahon sa inyong mga kilos at sa inyong pananalita, at magpakita ng sukdulang pag-iingat at pagiging mahinahon sa kung paano ninyo tinatrato ang mga usaping may kinalaman sa Diyos! Kapag hindi mo nauunawaan kung ano ang saloobin ng Diyos, huwag kang magsalita nang walang pakundangan, kumilos nang walang pakundangan, o magbansag nang walang pakundangan; higit pa rito, huwag kang basta-basta bumuo ng mga kongklusyon. Sa halip, dapat kang maghintay at maghanap. Ang mga ito ay mga pagpapamalas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kung makakamit mo ito at matataglay ang saloobing ito bago ang lahat, hindi ka sisisihin ng Diyos sa iyong kahangalan, kamangmangan, at kawalan ng pagkaunawa sa mga bagay-bagay; sa halip, dahil sa iyong saloobin—ang iyong takot na salungatin ang Diyos, ang iyong paggalang sa Kanyang mga layunin, at ang iyong kahandaang magpasakop sa Kanya—tatandaan ka ng Diyos, gagabayan at bibigyang-liwanag ka, o magpapakita Siya ng pagtitimpi sa iyong kawalang-gulang at kamangmangan. Kung hindi, bilang resulta ng walang-galang na saloobin mo sa Kanya—ang paghusga sa Kanya ayon sa gusto mo o ang basta-bastang paggawa ng haka-haka at pagtukoy sa Kanyang mga nais—kokondenahin ka ng Diyos, didisiplinahin ka, at parurusahan ka pa nga; o, mayroon Siyang sasabihin tungkol sa iyo, at marahil ang sasabihin Niya ay may kinalaman sa iyong kalalabasan. Samakatwid, bibigyang-diin Ko muli: Ang bawat isa sa inyo ay dapat maging maingat at mahinahon tungkol sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos. Huwag magsalita nang walang pakundangan o kumilos nang walang pakundangan. Bago ka magsabi ng anumang bagay, dapat mong isaalang-alang, “Magagalit ba ang Diyos sa kilos kong ito? Kung gagawin ko ito, kinatatakutan ko ba ang Diyos?” Kahit sa mga simpleng usapin, dapat mong mas pagbulayan ang mga tanong na ito, at mas isaalang-alang ang mga ito. Kung tunay mong maisasagawa ang mga ito ayon sa mga prinsipyong ito sa lahat ng aspekto, sa lahat ng bagay, sa lahat ng oras, at magkakaroon ng gayong saloobin lalo na kapag hindi mo nauunawaan ang isang bagay, palagi kang gagabayan ng Diyos at bibigyan ng landas na susundin.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

418. Hinihikayat Ko kayong gumugol ng totoong pagsisikap na maunawaan ang nilalaman ng mga atas administratibo, at magsikap na kilalanin ang disposisyon ng Diyos. Kung hindi, mahihirapan kayong panatilihing tikom ang mga labi ninyo, masyado kayong walang pakundangan magsasalita, at maglilitanya kayo ng matatayog-pakinggan na salita, hindi namamalayang nalalapastangan ninyo ang disposisyon ng Diyos at nasasadlak kayo sa kadiliman, nawawalan ng presensiya ng Banal na Espiritu at ng liwanag. Sapagkat wala kayong prinsipyo sa mga kilos ninyo, ginagawa at sinasabi ninyo ang hindi dapat, matatanggap mo ang retribusyong nararapat sa iyo. Dapat mong malaman na kahit wala kang prinsipyo sa salita at gawa, lubhang maprinsipyo ang Diyos sa dalawang ito. Ang dahilan kaya nakatatanggap ka ng retribusyon ay dahil nagkasala ka sa Diyos, hindi isang tao. Kung sa buhay mo ay maraming beses kang lumalapastangan sa disposisyon ng Diyos, nakatakda kang maging anak ng impiyerno. Para sa tao, maaaring mukhang gumawa ka lamang ng iilang gawang salungat sa katotohanan, at wala nang iba. Gayumpaman, alam mo ba na sa mga mata ng Diyos ay isa ka nang taong wala nang nauukol na handog para sa kasalanan? Sapagkat nilabag mo ang mga atas administratibo ng Diyos nang higit sa isang beses at, bukod dito, wala kang ipinakitang tanda ng pagsisisi o pagbabalik-loob, wala nang ibang pagpipilian kundi ang masadlak ka sa impiyerno, kung saan pinarurusahan ng Diyos ang tao. Maliit na bilang ng mga tao ang gumawa ng ilang gawang lumabag sa mga prinsipyo habang sumusunod sa Diyos, ngunit matapos silang mapungusan at mabigyan ng gabay, unti-unti nilang natuklasan ang sarili nilang katiwalian, at matapos nito ay pumasok sila sa tamang landas ng realidad, at nananatili silang may matatag na saligan hanggang ngayon. Ang ganitong mga tao ang mananatiling buhay hanggang sa huli. Gayumpaman, ang matatapat ang gusto Ko; kung isa kang matapat na tao at isang taong kumikilos ayon sa prinsipyo, maaari kang maging katapatang-loob ng Diyos. Kung sa mga kilos mo ay hindi mo nilalapastangan ang disposisyon ng Diyos, at hinahanap mo ang mga layunin ng Diyos, at mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayon ay pasok sa pamantayan ang pananalig mo. Sinumang hindi natatakot sa Diyos at walang pusong nanginginig sa takot ay malamang na malamang na lalabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Maraming naglilingkod sa Diyos sa lakas ng silakbo ng damdamin nila ngunit walang pagkaunawa sa mga atas administratibo ng Diyos, at lalong walang anumang ideya tungkol sa mga ipinapahiwatig ng mga salita Niya. Kaya naman, sa kanilang mabubuting intensiyon, madalas silang nakagagawa ng mga bagay na gumugulo sa pamamahala ng Diyos. Sa mga malalang kaso, pinapatalsik sila mula sa sambahayan ng Diyos, pinagkakaitan ng anumang karagdagang pagkakataong sumunod sa Kanya, at itinatapon sa impiyerno, at ang lahat ng ugnayan sa sambahayan ng Diyos ay natapos na. Ginagawa ng mga taong ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa lakas ng kanilang mangmang na mabubuting intensiyon, at nagtatapos sa pagpapagalit sa disposisyon ng Diyos. Dinadala ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ang mga paraan nila ng paglilingkod sa mga opisyal at mga panginoon at sinusubukang gamitin ang mga ito, delusyonal na iniisip na magagamit ang mga ito rito nang napakadali. Hindi nila kailanman naipagpapalagay na walang disposisyon ng tupa ang Diyos, kundi ng isang leon. Samakatwid, ang mga nakikipag-ugnayan sa Diyos sa unang pagkakataon ay walang kakayahang makipag-usap sa Kanya, sapagkat hindi tulad ng sa tao ang puso ng Diyos. Pagkatapos mo lamang maunawaan ang maraming katotohanan saka mo patuloy na makikilala ang Diyos. Hindi binubuo ng mga salita at doktrina ang kaalamang ito ngunit magagamit bilang kayamanan na sa pamamagitan nito ay makapapasok ka sa pagiging katapatang-loob ng Diyos, at bilang katibayang nalulugod Siya sa iyo. Kung kulang ka sa realidad ng kaalaman at hindi nasasangkapan ng katotohanan, ang maalab mong paglilingkod ay magdadala lamang sa iyo ng pagkasuklam at pagkapoot ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

419. Kung hindi mo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, magiging imposible para sa iyo na gawin ang gawain na dapat mong gawin para sa Kanya. Kung hindi mo nakikilala ang diwa ng Diyos, magiging imposible para sa iyo na magkaroon ng takot at pangingilabot sa Kanya; sa halip, magkakaroon lamang ng pabasta-bastang pagpapabaya at pagpapalusot, at higit pa nga roon, ng hindi na maiwawastong kalapastanganan. Bagama’t talagang mahalagang maunawaan ang disposisyon ng Diyos, at ang pagkilala sa diwa ng Diyos ay hindi maaaring makaligtaan, walang sinuman ang kailanman ay seryosong nagsuri o nagsaliksik sa mga isyung ito. Malinaw na makikita na binalewala ninyong lahat ang mga atas administratibong inilabas Ko. Kung hindi ninyo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, napakalaki ng posibilidad na malapastangan ninyo ang disposisyon Niya. Ang paglapastangan sa disposisyon Niya ay katumbas ng pagpukaw sa galit ng Diyos Mismo, at sa ganitong kaso, ang magiging kahuli-hulihang bunga ng mga kilos mo ay ang paglabag sa mga atas administratibo. Ngayon ay dapat mong mapagtanto na kapag nakikilala mo ang diwa ng Diyos ay mauunawaan mo rin ang Kanyang disposisyon—at kapag nauunawaan mo ang Kanyang disposisyon, mauunawaan mo rin ang mga atas administratibo. Hindi na kailangan pang sabihin na ang karamihan ng napapaloob sa mga atas administratibo ay may kaugnayan sa disposisyon ng Diyos, ngunit hindi lahat ng disposisyon Niya ay ipinapahayag sa mga atas administratibo; kaya, dapat ninyong pagbutihin pa ang pagpapaunlad ng pagkaunawa ninyo sa disposisyon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maunawaan ang Disposisyon ng Diyos

420. Ang Diyos ay isang buhay na Diyos. Iba-iba ang asal ng mga tao sa iba’t ibang sitwasyon, at naiiba ang saloobin ng Diyos ukol sa mga pag-uugaling ito dahil hindi Siya isang tau-tauhan ni hindi Siya hungkag na hangin. Ang pag-alam sa saloobin ng Diyos ay isang nararapat na paghahangad para sa sangkatauhan. Dapat pag-aralan ng mga tao, sa pamamagitan ng pag-alam sa saloobin ng Diyos, kung paano sila unti-unting magtatamo ng pagkakilala sa disposisyon ng Diyos at mauunawaan ang Kanyang puso. Kapag unti-unti mong naunawaan ang puso ng Diyos, hindi mo madarama na napakahirap isakatuparan ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Bukod pa riyan, kapag nauunawaan mo ang Diyos, malamang na hindi mo Siya limitahan. Kapag tumigil ka na sa paglilimita sa Diyos, mas malamang na hindi ka makakagawa ng pagkakasala laban sa Kanya, at hindi mo mamamalayan, gagabayan ka ng Diyos na magtamo ng pagkakilala sa Kanya, at kaya magkakaroon ka ng takot sa Kanya sa puso mo. Sa gayon ay titigil ka sa pagbibigay-kahulugan sa Diyos sa pamamagitan ng mga salita at doktrina o mga teoryang nakabisado mo na, at sa halip ay palagi mong hahanapin ang mga pagnanais ng Diyos sa lahat ng bagay. Sa ganitong paraan, bago mo pa mamalayan, magiging isa kang tao na naaayon sa mga layunin ng Diyos.

Ang gawain ng Diyos ay hindi nakikita at hindi nahahawakan ng sangkatauhan, ngunit para sa Diyos, ang mga kilos ng bawat isang tao—pati na ang kanilang saloobin sa Kanya—ay hindi lamang nahihiwatigan ng Diyos, kundi nakikita rin Niya. Ito ay isang bagay na dapat malaman ng lahat at maging malinaw sa lahat. Maaaring lagi mong iniisip sa loob-loob mo, “Alam ba ng Diyos kung ano ang ginagawa ko rito? Alam ba Niya kung ano ang iniisip ko? Siguro ay alam Niya, at siguro ay hindi Niya alam.” Kung pinanghahawakan mo ang pananaw na ito habang nananampalataya at sumusunod sa Diyos, at nagdududa ka rin sa Kanyang gawain at sa Kanyang pag-iral nang tulad nito, sa malao’t madali ay darating ang araw na mapupukaw mo ang galit Niya, sapagkat nasa bingit ka na ng isang mapanganib na bangin. May nakita na Akong mga tao na nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi pa rin nila nakakamit ang katotohanang realidad, lalong hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Hindi umuusad ang mga taong ito sa kanilang buhay at tayog, kumakapit lamang sa pinakamabababaw na doktrina. Ito ay dahil hindi kailanman tinanggap ng gayong mga tao ang salita ng Diyos bilang buhay nila mismo, at hindi pa nila kailanman hinarap at tinanggap ang Kanyang pag-iral. Sabihin mo sa Akin, kapag nakikita ng Diyos ang gayong mga tao, nagdudulot ba ito sa Kanya ng kasiyahan? Nakakaramdam ba ng kaaliwan ang Kanyang puso? Kung gayon, ang paraan ng pananampalataya ng mga tao sa Diyos ang nagpapasya sa kanilang kapalaran. Tungkol sa kung paano naghahangad at kung paano hinaharap ng mga tao ang Diyos, pinakamahalaga ang saloobin ng mga tao. Huwag isantabi ang Diyos sa iyong isipan na parang hangin lamang Siya; sa halip, dapat palagi mong isipin na ang Diyos na iyong sinasampalatayanan ay isang buhay na Diyos, isang tunay na Diyos. Hindi Siya umuupu-upo lamang doon sa ikatlong langit nang walang ginagawa. Sa halip, patuloy Niyang sinisiyasat ang puso ng lahat, sinisiyasat ang mga kilos ng lahat, sinisiyasat ang bawat salita at bawat gawa mo, sinisiyasat kung paano ka kumilos at kung ano ang saloobin mo sa Kanya. Handa ka mang ibigay ang iyong sarili sa Diyos o hindi, ang lahat ng iyong pag-uugali at ang iyong mga iniisip at ideya ay nakalatag sa Kanyang harapan at sinisiyasat Niya. Dahil sa iyong pag-uugali, dahil sa iyong mga gawa, at dahil sa iyong saloobin sa Kanya, palaging nagbabago ang opinyon ng Diyos tungkol sa iyo at ang Kanyang saloobin sa iyo ay patuloy na nagbabago. Gayunman, kailangan Kong magbigay ng payo sa ilan sa inyo: Huwag mong ituring ang iyong sarili na parang isang sanggol sa mga kamay ng Diyos, na parang labis ka Niyang kinagigiliwan, na parang hindi Niya kaya kung wala ka, at na parang permanente ang Kanyang saloobin sa iyo at hindi na magbabago kailanman—tigilan na ang pangangarap! Ang Diyos ay matuwid sa pagtrato Niya sa bawat isang tao, at seryoso Niyang isinasagawa ang gawain ng paglupig at pagliligtas sa mga tao. Ito ang Kanyang pamamahala. Tinatrato Niya nang seryoso ang bawat tao; hindi Niya sila tinatrato na parang isang alagang hayop, at hindi Niya sila sinusuyo at pinaglalaruan. Ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao ay hindi ang klaseng nagpapalayaw o nagpapamihasa, ni hindi nangungunsinti o mapagsawalang-bahala ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan. Bagkus, ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan ay may kasamang pagpapahalaga sa kanila, pagkaawa sa kanila, at paggalang sa buhay; nasa loob ng Kanyang awa at pagpaparaya ang Kanyang mga inaasahan sa mga tao, at ang awa at pagpaparaya ay ang pundasyong kinakailangan para sa pananatiling buhay ng sangkatauhan. Ang Diyos ay buhay, at ang Diyos ay talagang umiiral; ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan ay may prinsipyo, hindi talaga ito isang uri ng regulasyon, at maaari itong magbago. Ang Kanyang mga layunin para sa sangkatauhan ay unti-unting nagbabago at nag-iiba sa paglipas ng panahon, depende sa mga sitwasyon, at pati na sa saloobin ng bawat isang tao. Samakatwid, dapat mong malaman sa puso mo nang may tiyak na kalinawan na hindi nagbabago ang diwa ng Diyos, at na ipapahayag ang Kanyang disposisyon sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang konteksto. Maaaring hindi mo iniisip na seryoso ang bagay na ito, at maaaring ginagamit mo ang sarili mong mga kuru-kuro upang wariin kung paano dapat gawin ng Diyos ang mga bagay-bagay. Gayunman, may mga pagkakataon na totoo ang ganap na kabaligtaran, at sa paggamit ng sarili mong personal na mga kuru-kuro para tangkaing sukatin ang Diyos, napagalit mo na Siya. Ito ay dahil hinding-hindi kumikilos ang Diyos sa paraang iniisip mo na ginagawa Niya, at hinding-hindi Niya ituturing ang bagay na ito na kagaya ng sinasabi mong gagawin Niya. Sa gayon, ipinapaalala Ko sa iyo na mag-ingat at mag-isip nang mabuti sa pakikitungo mo sa lahat ng bagay na nasa paligid mo, at pag-aralan kung paano magsagawa nang ayon sa prinsipyo ng “pagsunod sa daan ng Diyos—pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” sa lahat ng bagay. Kailangan mong tumpak na tukuyin ang mga usapin tungkol sa mga layunin at saloobin ng Diyos, kailangan mong humanap ng mga taong nabigyang-liwanag para makipagbahaginan tungkol sa mga usaping ito, at kailangan mong taimtim na maghanap. Huwag mong ituring ang Diyos na sinasampalatayanan mo na isang tau-tauhan—hinuhusgahan Siya nang arbitraryo, nagbubuo ng arbitraryong mga kongklusyon tungkol sa Kanya, at tinatrato Siya nang may saloobin na walang paggalang. Samantalang inililigtas ka ng Diyos at itinatakda ang iyong kinalabasan, maaari ka Niyang pakitaan ng awa at pagpaparaya, o patawan ng paghatol at pagkastigo, ngunit ano’t anuman, ang Kanyang saloobin sa iyo ay hindi pirmihan. Depende ito sa iyong sariling saloobin sa Kanya, gayundin sa iyong pagkaunawa sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

421. Ang Diyos ay palaging nasa puso ng mga taong tunay na nananampalataya sa Kanya, at palagi silang nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, isang mapagmahal-sa-Diyos na puso. Dapat gawin ng mga nananampalataya sa Diyos ang mga bagay-bagay nang maingat at may hunos-dili, at lahat ng ginagawa nila ay dapat maging alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at makalugod sa Kanyang puso. Hindi dapat maging matigas ang kanilang ulo, na ginagawa ang anumang gusto nila; hindi iyan nababagay sa pag-asal ng isang banal. Hindi dapat magwala ang mga tao, nagyayabang at nanggagantso sa lahat ng dako, habang iwinawagayway ang bandila ng Diyos; ito ang pinakamapaghimagsik na uri ng asal. May mga panuntunan ang mga pamilya, at may mga batas ang mga bansa—hindi ba lalo na sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba higit na mas mahigpit pa ang mga pamantayan nito? Hindi ba’t higit na mas mayroon itong mga atas administratibo? Ang mga tao ay malayang gawin ang gusto nila, ngunit ang mga atas administratibo ng Diyos ay hindi maaaring baguhin kung kailan gustuhin. Ang Diyos ay isang Diyos na hindi nalalabag ng mga tao; Siya ay isang Diyos na humahampas sa mga tao. Hindi pa ba ito alam talaga ng mga tao?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan

422. Sa bawat kapanahunan ng gawain ng Diyos, nagkakaloob Siya ng ilang salita sa mga tao at nagsasabi sa kanila ng ilang katotohanan. Ang mga katotohanang ito ay nagsisilbing daan na dapat kapitan ng mga tao, ang daan na dapat nilang sundan, ang daan na nagbibigay-kakayahan sa kanila na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at ang mga ito ang dapat isagawa at kapitan ng mga tao sa kanilang buhay at sa buong paglalakbay nila sa buhay. Ito ang layon ng Diyos sa pagpapahayag ng mga salitang ito sa sangkatauhan. Ang mga salitang ito na nagmumula sa Diyos ay dapat kapitan ng mga tao, at ang pagkapit sa mga ito ay pagkamit ng buhay. Kung hindi kakapit ang isang tao sa mga ito, hindi isasagawa ang mga ito, at hindi isasabuhay ang mga salita ng Diyos sa buhay niya, hindi isinasagawa ng taong ito ang katotohanan. At kung hindi isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, hindi sila natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, ni hindi rin nila mapapalugod ang Diyos. Kung hindi kaya ng mga tao na palugurin ang Diyos, hindi nila matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon, at sa gayong kaso, hindi sila magkakaroon ng kinalabasan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

423. Ang pagsunod sa daan ng Diyos ay hindi tungkol sa pagsunod sa mabababaw na regulasyon; sa halip, nangangahulugan ito na kapag nahaharap ka sa isang problema, ituring mo muna ito una sa lahat bilang isang sitwasyon na pinamatnugutan ng Diyos, isang responsabilidad na ibinigay Niya sa iyo, o isang gampaning naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag nahaharap sa problemang ito, dapat mo pa ngang ituring ito bilang isang pagsubok na kung saan ay isinasailalim ka ng Diyos. Kapag nahaharap ka sa problemang ito, kailangan ay mayroon kang pamantayan sa puso mo, at kailangan mong isipin na ang bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Kailangan mong pag-isipan kung paano mo haharapin ito sa isang paraan na matutupad mo ang iyong responsabilidad habang nananatili kang tapat sa Diyos, gayundin kung paano ito gawin nang hindi Siya ginagalit o nilalapastangan ang Kanyang disposisyon. … Ito ay dahil para sumunod sa daan ng Diyos, hindi natin maaaring balewalain ang anumang nangyayari sa atin o sa paligid natin, kahit ang maliliit na bagay; hangga’t may anumang bagay na nangyayari sa atin, iniisip man natin na dapat natin itong bigyang-pansin o hindi, hindi natin ito dapat balewalain, kundi dapat itong ituring bilang isang pagsubok na ibinigay sa atin ng Diyos. Ano ang palagay mo sa ganitong saloobin? Kung mayroon kang ganitong klaseng saloobin, nagpapatibay ito sa isang katunayan: Ang iyong puso ay isang pusong may takot sa Diyos, at ang iyong puso ay isang pusong nagnanais na umiwas sa kasamaan. Kung mayroon kang ganitong pagnanais na palugurin ang Diyos, hindi magiging malayo ang isinasagawa mo sa pagtugon sa pamantayan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.

Madalas ay may mga taong naniniwala na ang mga bagay na hindi gaanong pinapansin ng mga tao at hindi karaniwang binabanggit ay maliliit na bagay lamang at walang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Kapag naharap sa ganito mismong isyu, hindi ito gaanong pinag-iisipan ng mga taong ito, at hinahayaan lamang nila ito. Sa katunayan, kapag naranasan mo ang isyung ito, ito mismo ang panahon na dapat mong matutunan ang aral ng kung paano matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at lalong dapat mong malaman kung ano ang ginagawa ng Diyos kapag naranasan mo ito. Nasa tabi mo mismo ang Diyos, inoobserbahan ang bawat salita at kilos mo, at minamatyagan ang lahat ng ginagawa mo at ang mga pagbabagong nagaganap sa iyong isipan—ito ay gawain ng Diyos. Nagtatanong ang ilang tao, “Kung gayon, bakit hindi ko iyon naramdaman?” Hindi mo iyon naramdaman dahil hindi mo itinuring ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan bilang ang pinakamahalagang daan na kakapitan. Kaya hindi mo maramdaman ang di-namamalayang gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao ayon sa kanilang iba’t ibang kaisipan at mga pagpapamalas. Isa kang taong lutang ang isip! Ano ang malaking bagay? Ano ang maliit na bagay? Ang mga bagay na nauugnay sa pagsunod sa daan ng Diyos ay hindi nahahati sa malalaki o maliliit, lahat ng ito ay malalaking bagay—magagawa ba ninyong maunawaan iyon? (Magagawa naming maunawaan iyon.) Pagdating sa pang-araw-araw na mga bagay, may ilan na itinuturing ng mga tao na napakalaki, at ang iba pa na itinuturing nilang maliliit na bagay. Madalas ituring ng mga tao ang malalaking bagay na ito na napakahalaga, at itinuturing nila ang mga ito na nagmula sa Diyos. Gayunman, sa gitna ng malalaking pangyayaring ito, dahil sa mababang tayog ng tao at dahil sa kanilang mahinang kakayahan, madalas ay nagkukulang ang mga tao sa mga layunin ng Diyos, hindi sila makatanggap ng anumang mga paghahayag, at hindi sila makakuha ng anumang aktuwal na pagkakilala na may halaga. Pagdating sa maliliit na bagay, hindi talaga napapansin ng mga tao ang mga ito at hinahayaan lamang na unti-unting mawala. Sa gayon, nawala sa mga tao ang maraming pagkakataong masuri at masubok sa harap ng Diyos. Kung lagi mong kinaliligtaan ang mga tao, pangyayari, at bagay, at mga sitwasyong pinamatnugutan ng Diyos para sa iyo, ano ang ibig sabihin niyan? Ang ibig sabihin niyan ay na bawat araw, at kahit bawat sandali, palagi mong tinatalikuran ang pagpeperpekto ng Diyos sa iyo, pati na ang Kanyang paggabay. Tuwing namamatnugot ang Diyos ng isang sitwasyon para sa iyo, lihim Siyang nag-oobserba, sinisiyasat ang iyong puso at mga kaisipan at ideya, minamasdan kung paano ka mag-isip at kung paano ka kikilos. Kung isa kang pabayang tao—isang taong hindi kailanman naging seryoso tungkol sa daan ng Diyos, sa Kanyang mga salita, o sa katotohanan—kung gayon, hindi ka magiging mapag-isip o hindi mo papansinin ang nais ng Diyos na maisakatuparan o ang hinihingi Niya sa iyo sa mga kapaligirang inihahanda Niya para sa iyo. Hindi mo rin malalaman kung paano nauugnay ang mga tao, pangyayari, at bagay na nakakatagpo mo sa katotohanan o sa mga layunin ng Diyos. Pagkatapos mong harapin ang paulit-ulit na mga sitwasyon at pagsubok na tulad nito, nang walang nakikita ang Diyos na anumang resulta sa iyo, paano Siya kikilos? Pagkatapos ng paulit-ulit na pagharap sa mga pagsubok, hindi mo dinakila ang Diyos sa puso mo, ni sineryoso ang mga sitwasyon na pinamatnugutan ng Diyos para sa iyo, ni itinuring ang mga ito bilang mga pagsubok o pagsusuri mula sa Diyos. Sa halip, sunud-sunod mo nang itinulak palayo ang mga oportunidad na ibinigay ng Diyos sa iyo, at hinayaang makalampas ang mga ito nang paulit-ulit. Hindi ba sukdulang pagrerebelde ang ipinapakitang ito ng mga tao? (Oo.) Masasaktan ba ang Diyos dahil dito? (Oo.) Mali, hindi masasaktan ang Diyos! Minsan pa kayong nagulat na marinig Akong sabihin ang gayong bagay. Maaaring iniisip ninyo, “Hindi ba sinabi kanina na palaging nasasaktan ang Diyos? Kung gayon ba ay hindi nasasaktan ang Diyos? Kung gayon, kailan Siya nasasaktan?” Sa madaling salita, hindi masasaktan ang Diyos sa sitwasyong ito. Kaya, ano, kung gayon, ang saloobin ng Diyos sa uri ng pag-uugaling nakabalangkas sa itaas? Kapag itinutulak ng mga tao palayo ang mga pagsubok at pagsusuring ipinadadala sa kanila ng Diyos, at kapag iniiwasan nila ang mga ito, iisa lamang ang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao. Anong saloobin ito? Itinataboy ng Diyos ang ganitong uri ng tao mula sa kaibuturan ng Kanyang puso. May dalawang antas ng kahulugan para sa salitang “itaboy.” Paano Ko ipapaliwanag ito mula sa Aking pananaw? Ang salitang “itaboy” ay nangangahulugan ng malalim na pagkasuklam at pagkamuhi. Ano naman ang isa pang antas ng kahulugan nito? Iyan ang bahaging nagpapahiwatig ng pagbitiw sa isang bagay. Alam ninyong lahat ang kahulugan ng “pagbitiw,” hindi ba? Sa madaling sabi, ang “itaboy” ay isang salitang kumakatawan sa huling reaksiyon at saloobin ng Diyos sa mga taong kumikilos sa ganitong paraan; iyon ay sukdulang pagkasuklam at pag-ayaw sa kanila, at kaya nagreresulta ito sa desisyon na bitiwan sila. Ito ang panghuling desisyon ng Diyos sa isang taong hindi kailanman sumunod sa daan ng Diyos at hindi kailanman natakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

424. Ang takot at pagpapasakop ni Job sa Diyos ay isang halimbawa sa sangkatauhan, at ang kanyang pagiging perpekto at matuwid ay ang rurok ng pagkatao na dapat taglayin ng tao. Kahit hindi niya nakita ang Diyos, nakilala niya na tunay na umiiral ang Diyos, at dahil sa pagkakilalang ito ay nagkaroon siya ng takot sa Diyos, at dahil sa takot niya sa Diyos, nagawa niyang magpasakop sa Diyos. Binigyan niya ang Diyos ng kalayaan na kunin ang lahat ng mayroon siya, subalit hindi siya nagreklamo, at nagpatirapa siya sa harap ng Diyos at sinabi sa Kanya, sa mismong oras na ito, na kahit na kunin ng Diyos ang kanyang laman, masaya niyang hahayaan na gawin ito ng Diyos, nang walang reklamo. Ang kanyang buong asal ay dahil sa kanyang perpekto at matuwid na pagkatao. Ibig sabihin nito, bunga ng kanyang kawalang-sala, pagkamatapat, at kabaitan, mariing nanampalataya si Job sa pag-iral ng Diyos na nakilala at nadama niya. Mula sa saligang ito gumawa siya ng mga hinihingi sa kanyang sarili at gumawa ng pamantayan sa kanyang pag-iisip, pag-uugali, asal, at mga prinsipyo sa pagkilos sa harap ng Diyos na naaayon sa patnubay ng Diyos sa kanya at sa mga gawa ng Diyos na nakita niya sa lahat ng bagay. Sa paglipas ng panahon, ang kanyang mga karanasan ay nagdulot sa kanya ng tunay at aktuwal na takot sa Diyos at idinulot na iwasan niya ang kasamaan. Ito ang pinagmulan ng integridad na mahigpit na pinanghawakan ni Job. Si Job ay may isang matapat, inosente, at mabait na pagkatao, at mayroon siyang aktuwal na karanasan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, at pag-iwas sa kasamaan, pati na rin ang kaalaman na “si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis.” Dahil sa mga bagay na ito lamang niya nagawang manindigan sa kanyang patotoo sa gitna ng gayong mga mapaminsalang pag-atake ni Satanas, at dahil sa mga ito lamang niya nagawang hindi biguin ang Diyos at magbigay ng kasiya-siyang sagot sa Diyos nang dumating ang mga pagsubok ng Diyos sa kanya.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

425. Hindi nakita ni Job ang mukha ng Diyos, o narinig ang mga salita na sinabi ng Diyos, at lalong hindi niya personal na naranasan ang gawain ng Diyos, ngunit ang kanyang takot sa Diyos at patotoo sa panahon ng kanyang mga pagsubok ay nasaksihan ng lahat, at ang mga ito ay minahal, kinalugdan, at pinuri ng Diyos, at ang mga tao ay naiinggit at humahanga sa mga ito, at, higit pa rito, masiglang pumupuri sa mga ito. Walang katangi-tangi o di-pangkaraniwan sa kanyang buhay: Tulad ng karaniwang tao, pangkaraniwan lamang ang buhay niya, umaalis upang magtrabaho sa pagsikat ng araw at umuuwi upang magpahinga sa paglubog ng araw. Ang pagkakaiba ay noong panahon ng mga ilang pangkaraniwang dekada sa kanyang buhay, siya ay nagkamit ng isang kabatiran sa daan ng Diyos, at natanto at naintindihan niya ang dakilang kapangyarihan at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, na hindi nagawa ng ibang tao. Hindi siya mas matalino kaysa sa ibang pangkaraniwang tao, ang kanyang buhay ay hindi nagtataglay ng malakas na kasiglahan, at, bukod dito, wala siyang di-nakikitang natatanging kakayahan. Subalit, ang taglay niya ay karakter na matapat, mabait, matuwid, isang personalidad na nagmahal sa pagiging patas at pagiging matuwid, at nagmahal ng mga positibong bagay—wala sa mga bagay na ito ang taglay ng karamihan sa mga karaniwang tao. Nakilala niya ang pagkakaiba ng pag-ibig at poot, may pagpapahalaga sa katarungan, matibay at matiyaga, at maingat na nagbigay-pansin sa mga detalye sa kanyang pag-iisip. Dahil dito, sa kanyang pangkaraniwang panahon sa lupa, nakita niya ang lahat ng hindi pangkaraniwang mga bagay na ginawa ng Diyos, at nakita ang kadakilaan, kabanalan, at ang pagiging matuwid ng Diyos, nakita niya ang pagmamalasakit ng Diyos, kagandahang-loob, at proteksyon para sa tao, at nakita niya ang pagiging marangal at awtoridad ng kataas-taasang Diyos. Ang unang dahilan kung bakit nagawa ni Job na makamit ang mga bagay na ito, na lagpas sa pangkaraniwang tao, ay dahil nagkaroon siya ng isang dalisay na puso, at ang kanyang puso ay pag-aari ng Diyos, at pinangungunahan ng Lumikha. Ang ikalawang dahilan ay ang kanyang paghahangad: ang kanyang paghahangad ng pagiging walang kapintasan at perpekto, at ang pagiging isang tao na sumunod sa kalooban ng Langit, na mahal ng Diyos, at na umiwas sa kasamaan. Si Job ay nagtaglay at naghangad ng mga bagay na ito kahit hindi pa niya nakikita ang Diyos o hindi pa niya naririnig na magsalita ang Diyos; bagaman hindi niya kailanman nakita ang Diyos, naintindihan niya ang mga paraan na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay, at nagkamit siya ng pagpapahalaga sa karunungang ginagamit ng Diyos sa paggawa nito. Kahit hindi niya kailanman narinig ang mga salita na sinabi ng Diyos, alam ni Job na ang mga gawa ng paggantimpala sa tao at pagbawi mula sa tao ay nanggagaling lahat sa Diyos. Bagama’t ang mga taon ng kanyang buhay ay hindi naiiba sa buhay ng mga pangkaraniwang tao, hindi niya hinayaan ang pagiging pangkaraniwan ng kanyang buhay na maapektuhan ang kanyang kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, o maapektuhan ang kanyang pagtahak sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Sa kanyang mga mata, ang mga batas na namamahala sa operasyon ng lahat ng bagay ay puno ng mga gawa ng Diyos, at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay maaaring makita sa anumang bahagi ng buhay ng isang tao. Hindi niya nakita ang Diyos, ngunit nagawa niyang maranasan ang pagiging nasa lahat ng dako ng mga gawa ng Diyos, at sa mga araw ng kanyang ordinaryong buhay, sa bawat sulok ng kanyang buhay, nagawa niyang makita at matanto ang pambihira at kahanga-hangang mga gawa ng Diyos, at nagawa niyang makita ang nakamamanghang mga pagsasaayos ng Diyos. Ang pagiging tago at katahimikan ng Diyos ay hindi humadlang sa pagkatanto ni Job sa mga gawa ng Diyos, at hindi rin nito naapektuhan ang kanyang kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Ang kanyang buhay ang personal na karanasan, sa kanyang ordinaryong buhay, ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, na nakatago sa gitna ng lahat ng bagay. Higit pa rito, sa panahon ng kanyang pangkaraniwang buhay, pinakinggan niyang mabuti at inunawa ang tinig ng puso ng Diyos at ang mga salita ng Diyos—na, bagaman nanatiling tahimik ang Diyos sa gitna ng lahat ng bagay, ay ipinahayag sa pamamagitan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa mga batas na namamahala sa operasyon ng lahat ng bagay. Kung gayon, nakikita mo na kung ang mga tao ay may pagkatao at paghahangad na katulad ng kay Job, maaari nilang makamit ang pagkatanto at kaalaman na tulad ng kay Job, at maaari nilang makuha ang pagkaunawa at kaalaman tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, gaya ng nakuha ni Job. Ang Diyos ay hindi nagpakita kay Job o nagsalita sa kanya, ngunit nagawa ni Job na maging perpekto, at matuwid, at magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa madaling salita, kahit na hindi nagpakita o nangusap sa mga tao ang Diyos, ang mga gawa ng Diyos sa gitna ng lahat ng bagay at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay sapat na upang maranasan ng tao ang pag-iral, dakilang kapangyarihan, at awtoridad ng Diyos, at ang dakilang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay sapat na upang ang tao ay tumahak sa daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

426. Ang “pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” at pagkilala sa Diyos ay di-mapaghihiwalay na konektado sa napakaraming paraan, at ang koneksyon sa pagitan ng mga ito ay malinaw. Kung nais mong matamo ang pag-iwas sa kasamaan, kailangan mo munang magkaroon ng tunay na takot sa Diyos; kung nais mong matamo ang tunay na takot sa Diyos, kailangan mo munang magtamo ng tunay na pagkakilala sa Diyos; kung nais mong magtamo ng pagkakilala sa Diyos, kailangan mo munang maranasan ang mga salita ng Diyos, pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, maranasan ang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos, ang Kanyang pagkastigo at paghatol; kung nais mong maranasan ang mga salita ng Diyos, kailangan mo munang makaharap ang mga salita ng Diyos, makaharap ang Diyos, at hilingin sa Diyos na maghanda ng mga tao, pangyayari, at bagay, pati na ng lahat ng uri ng kapaligiran, para magkaroon ka ng mga oportunidad na maranasan ang Kanyang mga salita; kung nais mong makaharap ang Diyos at ang mga salita ng Diyos, kailangan mo munang magtaglay ng simple at matapat na puso, ng saloobin ng pagtanggap sa katotohanan, ng kapasyahang tiisin ang pagdurusa, ng determinasyon at tapang na iwasan ang kasamaan, at ng pagnanais na maging isang tunay na nilikha…. Sa ganitong paraan, sa hakbang-hakbang na pagsulong, lalo kang mapapalapit sa Diyos, lalong magiging dalisay ang puso mo, at lalo pang magiging makabuluhan at mas maningning ang iyong buhay at ang kahalagahan ng pagiging buhay, habang nakikilala mo ang Diyos. Hanggang, isang araw, madarama mo na hindi na isang palaisipan ang Lumikha, na hindi kailanman nakatago ang Lumikha mula sa iyo, na hindi kailanman nagkubli ng Kanyang mukha ang Lumikha mula sa iyo, na hindi malayo ang Lumikha sa iyo, na ang Lumikha ay hindi na ang Siyang maaari mong panabikan lamang sa araw at gabi pero hindi madama ng iyong mga pandama, na talaga at totoong nakabantay Siya sa iyong tabi, at na tinutustusan Niya ang iyong buhay, at kinokontrol ang iyong tadhana. Madarama mo na wala Siya sa malayong abot-tanaw, ni hindi Niya itinago ang Sarili Niya sa mga ulap sa itaas, na Siya ay nasa tabi mo mismo, may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng sa iyo, at na Siya ang iyong lahat-lahat at ang iyong natatangi. Ang gayong Diyos ay nagbibigay-daan sa iyo na magmahal at sumamba sa Kanya mula sa puso, makaramdam ng pagiging malapit sa Kanya, mapalapit sa Kanya, humanga sa Kanya, matakot na mawala Siya, at hindi mo na gugustuhing talikuran pa Siya, maghimagsik pa laban sa Kanya, o iwasan pa Siya o palayuin. Ang tanging gusto mo ay maging mapagsaalang-alang sa Kanya, ninanais mo lang na magpasakop sa Kanya, suklian ang lahat ng ibinibigay Niya sa iyo, at magpasailalim sa Kanyang kapamahalaan. Hindi ka na tumatangging magabayan, matustusan, mabantayan, at maprotektahan Niya, hindi mo na nilalabanan ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos para sa iyo. Ang tanging nais mo ay sumunod sa Kanya, samahan Siya; ang tanging nais mo ay tanggapin Siya bilang iyong kaisa-isang buhay, tanggapin Siya bilang iyong kaisa-isang Panginoon, iyong kaisa-isang Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita

427. Kapag nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, ang una nilang nalalaman tungkol sa Kanya ay na Siya ay di-maarok, marunong, at kamangha-mangha, at natural silang nagsisimulang matakot sa Kanya; nararamdaman nila na misteryoso ang gawaing Kanyang ginagawa, at hindi maunawaan ng isip ng tao. Nais lamang ng mga tao na matugunan ang Kanyang mga hinihingi, matugunan ang Kanyang mga layunin; ayaw nilang malampasan Siya, dahil ang gawaing Kanyang ginagawa ay lagpas sa limitasyon ng isip at imahinasyon ng tao at hindi magagawa ng tao bilang kapalit Niya. Kahit ang tao mismo ay hindi alam ang sarili niyang mga kakulangan, subalit nagbukas na ang Diyos ng isang bagong landas at pumarito sa gitna ng mga tao upang dalhin sila sa mas bago at mas magandang mundo, at sa gayon ay nakagawa ang sangkatauhan ng panibagong pagsulong at nagkaroon na ng bagong simula. Ang nadarama ng tao para sa Diyos ay hindi paghanga, o sa halip, hindi lamang paghanga. Ang kanilang pinakamalalim na karanasan ay takot at pagmamahal; ang pakiramdam nila ay na ang Diyos ay talagang kamangha-mangha. Gumagawa Siya ng gawaing hindi kayang gawin ng tao at nagsasabi ng mga bagay na hindi kayang sabihin ng tao. Ang mga taong nakaranas na ng gawain ng Diyos ay laging mayroong di-maipaliwanag na damdamin. Ang mga taong may sapat na lalim ng karanasan ay nauunawaan ang pagmamahal ng Diyos; nadarama nila ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, na ang Kanyang gawain ay napakamarunong, lubhang kamangha-mangha, at sa gayon ay nabubuo sa kanila ang hindi nauubos na kapangyarihan. Hindi iyon takot o paminsan-minsang pagmamahal at paggalang, kundi isang malalim na pakiramdam ng habag at pagpaparaya ng Diyos sa tao. Gayunman, ang mga taong nakaranas na ng Kanyang pagkastigo at paghatol ay nararamdaman ang Kanyang pagiging maharlika at na hindi Siya nalalabag. Kahit ang mga taong nakaranas na ng marami sa Kanyang gawain ay hindi Siya maarok; alam ng lahat ng tunay na may takot sa Kanya na ang Kanyang gawain ay hindi nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao kundi palaging kumokontra sa kanilang mga kuru-kuro. Hindi Niya kailangang hangaan Siya nang lubusan ng mga tao o magpakita ng pagpapasakop sa Kanya sa panlabas; sa halip, dapat silang magkamit ng tunay na takot at tunay na pagpapasakop. Sa Kanyang maraming gawain, sinumang may tunay na karanasan ay nagkakaroon ng isang pusong may takot sa Kanya, na mas mataas kaysa paghanga. Nakita na ng mga tao ang Kanyang disposisyon dahil sa Kanyang gawain ng pagkastigo at paghatol, at sa gayon ay nagkakaroon sila ng pusong may takot sa Kanya. Nararapat na katakutan ang Diyos at magpasakop sa Kanya, dahil ang Kanyang pagiging Diyos at Kanyang disposisyon ay hindi kapareho ng sa isang nilikha at mas mataas sa isang nilikha. Ang Diyos ay umiiral nang nagsasarili at walang katapusan, at hindi Siya isang nilalang, at ang Diyos lamang ang karapat-dapat sa takot at pagpapasakop; hindi kalipikado ang tao para dito. Kaya, lahat ng nakaranas na ng Kanyang gawain at tunay na nakakilala sa Kanya ay nagkakaroon ng pusong may takot sa Kanya. Gayunman, iyong mga ayaw bumitaw sa kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya—iyong mga talagang hindi Siya itinuturing na Diyos—ay ganap na walang pusong may takot sa Diyos, at bagama’t sumusunod sila sa Kanya, hindi sila nalupig; sila ay likas na mapaghimagsik na mga tao. Ang nais Niyang makamtan sa pamamagitan ng paggawa ng gayon ay para lahat ng nilikha ay magkaroon ng pusong may takot sa Lumikha, sumamba sa Kanya, at magpasailalim sa Kanyang kapamahalaan nang walang pasubali. Ito ang huling resultang nais makamit ng lahat ng Kanyang gawain. Kung ang mga taong nakaranas na ng gayong gawain ay walang pusong may takot sa Diyos, kahit kaunti, at kung ang kanilang dating pagiging mapaghimagsik ay hindi man lamang nagbabago, siguradong ititiwalag sila. Kung ang saloobin ng isang tao sa Diyos ay para lamang hangaan Siya o magpakita ng paggalang sa Kanya mula sa malayo, at hindi para mahalin Siya kahit katiting, ito ang resultang naabot ng isang taong walang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at wala sa taong iyon ang mga kondisyon para magawang perpekto. Kung hindi kayang matamo ng napakaraming gawain ang tunay na pagmamahal ng isang tao, hindi nakamit ng taong iyon ang Diyos at hindi niya tunay na hinahangad ang katotohanan. Ang isang taong hindi mahal ang Diyos ay hindi mahal ang katotohanan at sa gayon ay hindi makakamit ang Diyos, lalong hindi niya matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang gayong mga tao, paano man nila nararanasan ang gawain ng Banal na Espiritu, at paano man nila nararanasan ang paghatol, ay hindi magawang magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Ito ay mga taong hindi mababago ang kalikasan at may sukdulang nakakasuklam na mga disposisyon. Lahat ng walang may-takot-sa-Diyos na puso ay ititiwalag, magiging mga pakay ng kaparusahan, at maparurusahan tulad ng mga gumagawa ng kasamaan, magdurusa nang higit pa kaysa sa mga nakagawa ng mga bagay na hindi matuwid.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Sinundan: G. Tungkol sa Paano Isakatuparan nang Sapat ang Tungkulin ng Isang Tao

Sumunod: I. Tungkol sa Kung Paano Pumili ang Isang Tao ng Landas sa Pananampalataya

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito