Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ibinebenta pa nga ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikalawang Bahagi)
II. Ang Mga Interes ng mga Anticristo
Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ikasiyam na aytem sa mga pagpapamalas ng mga anticristo. Ang ikasiyam na aytem tungkol sa kanilang mga pagpapamalas ay ang sumusunod: Ginagawa nila ang kanilang tungkulin para lamang maging tanyag sila at maisakatuparan ang kanilang sariling mga interes at ambisyon; hindi nila iniisip kailanman ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipinagpapalit pa ang mga interes na iyon para sa kanilang personal na kaluwalhatian. Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa isang maliit na parte nito, sinisimulan ang ating paksa at nagbabahagi kung ano ang mga interes, na siyang unang punto. Para sa ikalawang punto, nagbahaginan tayo tungkol sa kung ano ang mga interes ng mga tao at kung ano ang diwa ng mga interes ng mga tao. Ang ikatlong punto na pinagbahaginan natin ay kung ano ang mga interes ng Diyos at kung ano ang diwa ng mga interes ng Diyos—ito ang halos laman ng tatlong puntong pinagbahaginan natin. Ang ating pinagbahaginan noong huli ay ang mahahalagang konseptuwal na katotohanan, na nagbibigay ng depinisyon sa iba’t ibang aspekto ng mga interes at nagbibigay ng pag-unawa sa mga tao tungkol sa mga pangunahing konsepto. Hindi na natin susuriin pang mabuti sa pagkakataong ito ang nabanggit na nilalaman, dahil ang paksang pagbabahaginan para sa ating ikasiyam na aytem ay naglalayong magbigay-diin sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Kaya, ipagpapatuloy natin ang pagtuon sa mga pagpapamalas ng mga anticristo sa ating pagbabahaginan sa aytem na ito. Pangunahin nating hihimayin ang saloobin at pag-uugali ng mga anticristo patungkol sa iba’t ibang interes na may kaugnayan sa kanilang sarili, susubukang tukuyin ang kalikasang diwa at disposisyon ng mga anticristo at hihimayin ang mga ito mula sa ganitong perspektiba. Magsisimula tayo sa pamamagitan ng pagbabahaginan kung ano, sa mga mata ng mga anticristo, ang mga bagay na may kaugnayan sa kanilang mga interes.
Sa mga mata ng mga anticristo, ang Diyos, ang sambahayan ng Diyos, at ang iglesia ay mga tatak lamang, marahil ay walang iba kundi mga pangalan lamang, na walang tunay na halaga. Samakatuwid, itinuturing nila nang may paghamak ang mga interes ng Diyos, ng sambahayan ng Diyos, at ng iglesia, at hindi nila isinasaalang-alang ang mga ito o binibigyang-pansin. Sa kabaligtaran, ang mga personal na interes ng mga anticristo ang pinakamahalaga para sa kanila. Dahil dito, madalas na ipinagpapalit ng mga anticristo ang mga interes ng iglesia at ng sambahayan ng Diyos para sa kanilang personal na interes. Ngayon, ikategorya at himayin natin nang mabuti kung alin ang mga bagay na may kaugnayan sa mga interes ng mga anticristo, para mabigyan ang mga tao ng malinaw na pananaw tungkol sa kanilang mga opinyon sa mga bagay-bagay. Una sa lahat, anuman ang tawag sa mga anticristo, ito man ay bilang mga anticristo, masasamang tao, o mga indibidwal na hindi nagsasagawa ng katotohanan o nagkikimkim ng pagkamapanlaban dito, ang mga ganitong uri ng tao ay hindi namumuhay nang hiwalay sa iba. Namumuhay sila sa laman at may parehong mga pangangailangan ng normal na buhay ng tao. Samakatuwid, ang mga taong katulad ng mga anticristo na namumuhay kasama ang mga kapatid o sa loob ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia, ay mayroon ding mga interes na nauugnay sa sarili nilang kaligtasan. Ito ang unang subseksiyon tungkol sa mga interes ng mga anticristo—ang sarili nilang kaligtasan. Ang ikalawang subseksiyon tungkol sa mga interes ng mga anticristo ay ang sarili nilang reputasyon at katayuan, na may kinalaman sa kanilang awtoridad. Ang ikatlong subseksiyon tungkol sa mga interes ng mga anticristo ay may kinalaman sa kanilang benepisyo. Mas malinaw ba na himayin ang mga interes ng mga anticristo sa pamamagitan ng tatlong subseksiyon na ito kumpara sa hindi pormal at sa direktang pagbabahagi tungkol sa mga ito? (Oo.) Kung hihilingin Ko sa inyo na magbahagi batay sa tatlong subseksiyon na ito, mayroon ba kayong anumang kabatiran? Makapagbabahagi ba kayo ng kaunting pag-unawa? (Maaaring magawa kong talakayin ang ilang kabatiran ukol sa ikalawang subseksiyon, pero hindi masyadong malinaw sa akin ang tungkol sa personal na kaligtasan at benepisyo.) Sige, habang nagbabahagi Ako, maaari kayong magdagdag kung saan kayo malinaw na makapagsasalita, at magbabahagi Ako sa mga bagay na hindi malinaw sa inyo. Ayos ba iyon? (Oo.)
A. Ang Sarili Nilang Kaligtasan
Sisimulan natin ang ating pagbabahaginan sa unang subseksiyon ng mga interes ng mga anticristo—ang sarili nilang kaligtasan. Dapat malinaw sa lahat ang kahulugan ng subseksiyong ito; ito ay tumutukoy sa pisikal na kaligtasan ng isang tao. Sa mainland China, ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng pamumuhay sa isang mapanganib na kapaligiran. Ang bawat tao na sumusunod sa Diyos ay araw-araw na nahaharap sa panganib na maaresto, masentensiyahan, at mapasailalim sa malupit na pag-uusig ng malaking pulang dragon. Ang mga anticristo ay hindi eksepsiyon dito. Bagamat makaklasipika sila bilang mga anticristo sa loob ng sambahayan ng Diyos, ang malaking pulang dragon, kasama ang pamayanang panrelihiyon, ay patuloy na nagsusumikap supilin at usigin ang iglesia ng Diyos at ang Kanyang mga hinirang, at siyempre, nasusumpungan din ng mga anticristo ang kanilang sarili sa ganitong kapaligiran at hindi sila libre sa banta ng pagkakaaresto. Samakatuwid, madalas nilang kailangang harapin ang isyu ng kanilang sariling kaligtasan. Tumutukoy ito sa katanungan kung paano pinangangasiwaan ng mga anticristo ang sarili nilang kaligtasan. Para sa subseksiyong ito, pangunahing pinagbabahaginan natin ang saloobin ng mga anticristo patungkol sa sarili nilang kaligtasan. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? (Ginagawa nila ang kanilang makakaya para maprotektahan ang sarili nilang kaligtasan.) Ginagawa ng mga anticristo ang kanilang makakaya para protektahan ang kanilang kaligtasan. Ang iniisip nila ay: “Dapat ko talagang tiyakin ang kaligtasan ko. Sinuman ang mahuli, hindi dapat ako iyon.” Sa usaping ito, madalas silang lumalapit sa Diyos sa panalangin, nagsusumamo na ilayo sila ng Diyos sa gulo. Nararamdaman nila na anuman ang mangyari, talagang isinasakatuparan nila ang gawain ng isang lider ng iglesia at na dapat silang protektahan ng Diyos. Alang-alang sa sarili nilang kaligtasan at para makaiwas na maaresto, makatakas sa lahat ng pag-uusig at maging ligtas ang kanilang sitwasyon, madalas magsumamo at magdasal ang mga anticristo para sa sarili nilang kaligtasan. Pagdating sa sarili nilang kaligtasan, saka lamang sila tunay na umaasa at nag-aalay ng sarili nila sa Diyos. Mayroon silang tunay na pananampalataya pagdating sa ganitong bagay at tunay ang pag-asa nila sa Diyos. Nag-aabala lamang silang magdasal sa Diyos para hilingin na protektahan Niya ang kanilang kaligtasan, kahit katiting ay hindi nila iniisip ang gawain ng iglesia o ang kanilang tungkulin. Sa kanilang gawain, ang personal na kaligtasan ang prinsipyong gumagabay sa kanila. Kung ligtas ang isang lugar, pipiliin ng mga anticristo ang lugar na iyon upang doon sila magtrabaho, at, tunay nga, magmumukha silang napakasipag at positibo, ibinibida nila ang kanilang matinding “pagiging responsable” at “katapatan.” Kung may gawain na talagang delikado at malamang na mahaharap sa isang insidente, na matutuklasan ng malaking pulang dragon ang gumagawa ng gawaing ito, nagdadahilan sila at tinatanggihan ito, at naghahanap ng pagkakataong matakasan iyon. Sa sandaling magkaroon ng panganib, o sa sandaling may tanda ng panganib, nag-iisip sila ng mga paraan para makaalis at iniiwanan nila ang kanilang tungkulin, nang walang malasakit sa mga kapatid. Ang tanging iniisip nila ay makalayo sila sa panganib. Maaaring sa puso nila ay handa sila. Sa sandaling lumitaw ang panganib, iniiwanan nila kaagad ang kanilang trabaho, nang walang pakialam kung ano ang mangyayari sa gawain ng iglesia, o kung ano ang mawawala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o sa kaligtasan ng mga kapatid. Ang mahalaga sa kanila ay makatakas. Mayroon pa nga silang “lihim na alas,” isang plano para protektahan ang kanilang sarili: Sa sandaling sumapit sa kanila ang panganib o maaresto sila, iuulat nila ang lahat ng nalalaman nila, nililinis ang kanilang pangalan at pinawawalang-sala ang kanilang sarili sa lahat ng responsabilidad para maipreserba ang sarili nilang kaligtasan. Ito ang nakahanda nilang plano. Ayaw ng mga taong ito na makaranas ng pang-uusig dahil sa pananalig sa Diyos; takot silang maaresto, mapahirapan, at mahatulan. Ang totoo ay matagal na silang sumuko kay Satanas sa puso nila. Takot na takot sila sa kapangyarihan ng satanikong rehimen, at mas takot na maranasan ang mga bagay na tulad ng pagpapahirap at marahas na interogasyon. Para sa mga anticristo, samakatuwid, kung maayos ang lahat, at walang anumang peligro o isyu sa kanilang kaligtasan, at hindi posibleng magkaroon ng panganib, maaaring ialay nila ang kanilang kasigasigan at “katapatan,” at maging ang kanilang mga ari-arian. Ngunit kung masama ang sitwasyon at maaari silang arestuhin anumang oras dahil sa pananalig sa Diyos at paggawa ng kanilang tungkulin, at kung maaari silang mapatalsik sa kanilang opisyal na posisyon o maabandona ng mga kamag-anak at kaibigan dahil sa kanilang pananalig sa Diyos, lalo silang nag-iingat, hindi sila mangangaral ng ebanghelyo at magpapatotoo sa Diyos, ni hindi nila gagampanan ang kanilang tungkulin. Kapag may kaunting tanda ng problema, nagiging mahiyain sila; kapag may kaunting tanda ng problema, agad nilang ninanais na ibalik sa iglesia ang kanilang mga aklat ng mga salita ng Diyos at anumang may kaugnayan sa pananalig sa Diyos, upang sila ay manatiling ligtas at hindi mapahamak. Hindi ba’t mapanganib sila? Kung maaresto, hindi ba sila magiging Hudas? Ang mga anticristo ay masyadong mapanganib na maaari siyang maging Hudas anumang oras; laging may posibilidad na ipagkakanulo nila ang Diyos. Bukod pa riyan, makasarili sila at lubhang kasuklam-suklam. Natutukoy ito sa kalikasang diwa ng mga anticristo.
Maaaring sinasabi ng ilan na, “Marahil ang mga taong may ganitong mga pagpapamalas ay matatagpuan lang sa bansa ng malaking pulang dragon, sa kontekstong panlipunan ng China. Kapag pumupunta ka sa ibang bansa, walang pag-uusig o pag-aresto, kaya nawawalan ng kabuluhan ang personal na kaligtasan. Kailangan pa ba ang paksang ito?” Sa tingin ba ninyo ay kailangan pa ito? (Oo.) Kahit sa ibang bansa, maraming tao na gumagawa ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos ang madalas na nagpapakita ng ganitong mga pag-uugali. Sa sandaling ang talakayan ay napupunta sa mga pag-atake, paninirang-puri, at mga kilusang itinayo ng pulitikal na rehimen ng isang partikular na bansa ng mga walang pananampalataya o ng pamayanang panrelihiyon laban sa sambahayan ng Diyos, may mga tao na nakakaramdam ng matinding takot at kaduwagan sa kaloob-looban. Maaari pa ngang nararamdaman nila na mas makabubuti sa kanila sa sandaling ito at mas malaya sila kung hindi sila nananampalataya sa Diyos, ang ilan sa kanila ay nagsisisi sa kanilang pananalig sa Diyos, at sa kanilang puso, ang ilan ay nag-iisip pa nga na umurong at umatras. Sa lahat ng pagkakataon, ang mga ganitong tao ay nagkikimkim ng mga alalahanin tungkol sa sarili nilang kaligtasan, pakiramdam nila ay wala nang mas mahalaga pa rito. Ang kanilang buhay at ang sarili nilang kaligtasan ang mga pangunahing alalahanin sa kaibuturan ng kanilang puso. Kaya, kapag nahaharap sa kung paano pinipinsala, sinisiraan, at kinokondena ng mundo at ng buong sangkatauhan ang iglesia at ang gawain ng Diyos, ang mga taong ito ay hindi tumitindig kasama ng Diyos sa kanilang puso. Sa halip, kapag nangyayari ang mga bagay na ito, kapag nakakarinig sila ng mga boses na pumipinsala at kumokondena sa Diyos, sa kaibuturan nila, sila ay kumokontra sa Diyos. Gustong-gusto nilang ihiwalay ang kanilang sarili sa Diyos, sa Kanyang sambahayan, at sa iglesia. Higit pa rito, sa mga ganitong pagkakataon, mahirap at masakit para sa kanila na amining nananampalataya sila sa Diyos. Desperado silang hindi magkaroon ng kaugnayan sa Diyos, sa Kanyang sambahayan, o sa iglesia. Sa mga ganitong pagkakataon, hindi sila mapalagay at nahihiya pa nga at hindi nila maipakita ang kanilang mukha bilang isang miyembro ng sambahayan ng Diyos. Tunay bang tagasunod ng Diyos ang mga ganitong tao? Tunay ba nilang tinalikuran ang lahat para sundan ang Diyos? (Hindi.) Kapag nananampalataya ang mga tao sa Diyos sa mainland China, madalas silang nahaharap sa pag-uusig at pag-aresto, at madalas silang nakakatagpo ng mga isyu sa personal na kaligtasan; bagamat ang kapaligiran sa ibang bansa ay hindi kasinglupit, nakakaranas pa rin ang mga tao ng mga kaparehong sitwasyon. Nahaharap sila sa paninirang-puri at pagkondena mula sa pamayanang panrelihiyon, at kailangan nilang harapin ang kawalang-pakialam o mga partikular na pahayag ng hindi pagkakaunawa ng iba’t ibang bansa tungkol sa iglesia. Hindi alam ng ilan kung ano ang gagawin at mayroon pa nga silang mga pag-aalinlangan at pagdududa tungkol sa kung tunay nga ba ang gawain ng Diyos, lalo pa nilang kinukuwestiyon ang kawastuhan ng Diyos. Samakatuwid, dahil madalas nilang isinasaalang-alang ang kanilang sariling kaligtasan, hindi nila magawa ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos nang may matatag at mapayapang puso. Tunay bang naibigay ng mga indibidwal na ito ang kanilang buhay sa Diyos? (Hindi, hindi nila nagawa.) Iniisip pa nga ng ilan na, “Ang pagpunta sa ibang bansa ay nangangahulugang pagtakas mula sa mahigpit na hawak ng malaking pulang dragon, hindi ba? Hindi ba’t may kalayaan sa relihiyon sa ibang bansa? Hindi ba’t lahat ay libre at malaya? Dahil dinala tayo ng Diyos sa ibang bansa para gawin ang ating mga tungkulin, bakit kailangan pa rin nating harapin ang parehong malulupit na kalagayan? Bakit kailangan pa rin nating matutunan ang mga aral na ito at mapasailalim sa pagdurusang ito sa ibang bansa?” Ang ilang tao ay may pagdududa sa kanilang puso, at ang ilan ay hindi lang nagdududa kundi lumalaban, nagkikimkim ng mga katanungan tulad ng, “Sapagkat ito ang tunay na daan, sapagkat ito ang gawain ng Diyos, bakit kaming mga tapat sa paggawa ng aming mga tungkulin, na tumalikod sa lahat para igugol ang aming sarili sa Diyos, ay kinakailangan pa ring magtiis sa ganitong hindi patas na pagtrato sa mundong ito?” Hindi nila ito nauunawaan. Dahil hindi nila ito nauunawaan at inuuna nila ang sarili nilang kaligtasan sa lahat ng bagay, dahil doon, ang kanilang kawalan ng pagkaunawang ito ay nagiging mga reklamo at pangunguwestiyon sa Diyos. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Ang ilang tao sa ibang bansa ay natatakot pa ngang magbakasakali sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Kung itinatalaga sa kanila ang isang tungkulin na may kaunting peligro, nagdadahilan sila tulad ng, “Hindi ako bagay para sa tungkuling ito. Nasa mainland China pa rin ang pamilya ko, at kung madidiskubre ako ng malaking pulang dragon, hindi ba’t magiging malaking abala ito para sa akin?” Tumatanggi silang gampanan ang mga ganitong tungkulin. Pinipili nilang ingatan ang kanilang sarili, protektahan ang sarili nilang kaligtasan, at iligtas ang sarili nilang buhay. Umiiwas sila sa gawain sa halip na ganap na ialay ang kanilang sarili, bitiwan ang lahat, at talikuran ang lahat para tanggapin ang kanilang mga tungkulin. Hindi nila ito magawa. Ito ang ilan sa kanilang mga pag-uugali pagdating sa sarili nilang kaligtasan. Hindi napapalagay ang ilang tao sa kanilang puso at madalas nilang ipinagdarasal ang tungkol dito. Ang iba ay madalas na natatakot at naduduwag, iniisip na masyadong makapangyarihan ang mga puwersa ni Satanas, at paano makakalaban ang isang ordinaryong taong katulad nila? Kaya, madalas silang natatakot at nag-aalala tungkol dito. Pakiramdam pa nga ng ilan, na sa sandaling maaresto sila, walang magagawa ang iglesia o ang sambahayan ng Diyos, na walang sinuman ang magiging epektibo kung may mangyayari. Kaya naman, iniisip nila na pinakamahalagang protektahan ang kanilang sarili. Kaya, kapag kinakailangan nilang sumuong sa panganib at umako ng delikadong tungkulin, nagtatago sila, at walang makakahimok sa kanila. Sinasabi nila na wala silang kakayahan, naghahanap ng iba’t ibang dahilan at palusot para tanggihan ang mahahalagang tungkulin na ipinagkatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Kung maganda ang kapaligiran, maaari pa ngang tumayo ang mga taong ito sa pampublikong lugar sa harap ng maraming tao nang may hawak na mikropono at sumisigaw ng, “Nananampalataya ako sa Makapangyarihang Diyos, isa akong miyembro ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Sana lahat ay makapunta at makapagsiyasat sa tunay na daan.” Nagagawa nila ito nang walang anumang takot kapag hindi nanganganib ang kanilang personal na kaligtasan. Subalit kapag mayroong kahit katiting na senyales ng pagbabanta o anumang sitwasyon na may kinalaman sa kanilang sariling kaligtasan, o kapag biglaang lumilitaw ang mga sitwasyon, nawawala ang kanilang kasigasigan, naglalaho ang kanilang “katapatan,” at kumukupas ang kanilang “pananalig.” Ang alam lang nila ay ang tumakas sa kahit anong paraan, palaging naghahanap ng hindi napapansin at hindi nakikitang gawain na isasakatuparan, ipinapasa sa ibang tao ang mga gawain at tungkulin na nangangailangan ng kanilang pagsuong sa panganib. Kapag bumubuti na ang kapaligiran, bigla silang nagpapakitang muli na parang mga payasong nasa entablado. Bakit sila muling nagpapakita? Para ipresenta ang kanilang sarili, para ipaalam sa mga tao ang kanilang presensiya, para ipakita sa Diyos ang kanilang kasigasigan, ipakita sa Diyos ang kanilang katapatan sa sandaling iyon, at kasabay nito, para itama ang mga pagkakamali nila noon, desperadong nagsisikap na makabawi. Gayumpaman, sa pinakamaliit na senyales ng problema o pagbabago sa kapaligiran, muling naglalaho ang mga taong ito at nagtatago sila.
Noong nagsisimula pa lang lumawig ang gawain ng ebanghelyo, talagang mahirap na ipalaganap ang ebanghelyo. Noong panahong iyon, hindi maraming tao ang nakapagpapangaral ng ebanghelyo, at ang mga nakakagawa nito ay may napakababaw na pagkaunawa sa katotohanan. Hindi nila makilatis nang mabuti ang mga kuru-kurong panrelihiyon ng mga tao, at mahirap ang pagkakamit ng mga tao. Bukod dito, may kasamang mga panganib ang pangangaral ng ebanghelyo. Kapag nakakatagpo ka ng mga taong medyo may mabuting pagkatao, kadalasan, tumatanggi silang tanggapin ito at iyon lang iyon, pero hindi ka nila pipinsalain o iinsultuhin. Kung mananatili kang nakikipag-ugnayan sa kanila, maaaring may pag-asa pa ring makamit sila, na magbubunga ng ilang resulta. Gayumpaman, kapag nakakatagpo ka ng masasamang tao o mga pastor at elder mula sa iba’t ibang mga denominasyon, hindi lang tumatangging tumanggap ang mga taong ito, kundi pamumunuan din nila ang isang magkasanib na pag-atake, pupuwersahin kang umamin sa iyong mga kasalanan, at kung hindi mo gagawin, maaaring saktan ka nila sa pisikal. Sa mas malulubhang kaso, maaaring iuulat ka pa nila sa mga pulis at dadalhin ka sa istasyon, ilalagay ka sa panganib na madetine anumang oras. Hindi napipigilan ang ilang lider ng iglesia ng mga bagay na ito. Patuloy nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin kapag kinakailangan, at nangunguna pa nga sila sa pangangaral ng ebanghelyo at patotohanan ang Diyos. Gayumpaman, hindi kumilos sa ganitong paraan ang ilang diumano’y lider o mga huwad na lider. Kapag nahaharap sila sa mga ganitong panganib, hindi sila mismo ang pumupunta kundi nagpapadala sila ng iba. Nabalitaan ko na natuklasan ng isang lider na ang isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ay isang lider pala sa isang partikular na denominasyon. Balak niyang magtalaga ng isang tao na magpapalaganap ng ebanghelyo sa lider na iyon. Matapos itong pag-isipan, hindi siya makahanap ng naaangkop na tao at nagdesisyon siyang mas nararapat na siya na lang mismo ang pumunta. Gayumpaman, natatakot siya sa panganib at ayaw niyang pumunta, kaya, itinalaga niyang pumunta ang isang batang sister na nasa edad labing-walo o labing-siyam sa halip na siya. Ano sa palagay ninyo? Dapat ba niyang italaga ang pagpunta ng batang sister na ito? (Hindi dapat.) Bakit hindi dapat? (Dahil ang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ay isang lider sa isang partikular na denominasyon na may maraming kuru-kurong panrelihiyon. Mababa ang tayog ng batang sister, mababaw ang pagkaunawa niya sa katotohanan, hindi niya kayang magbahagi tungkol sa katotohanan para tugunan ang mga problema ng potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo, at bukod sa maaaring hindi mapapabalik-loob ng batang sister ang potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo, maaaring ang sister mismo ang nalihis.) Sa kanyang edad, gaano karaming katotohanan ang talagang nauunawaan ng batang sister na ito? Gaano karaming kaalaman sa Bibliya ang taglay niya? Gaano siya kakumpiyansa sa pagpapabalik-loob sa lider mula sa denominasyong iyon? Sa kanyang edad, tiyak na wala pa siyang gaanong karanasan sa pangangaral ng ebanghelyo. Dagdag pa rito, bago pa lang siya umabot sa hustong gulang at wala siyang karanasan. Kaya ba niyang kilatisin ang mga kuru-kuro, ideya, at suliranin ng mga taong nasa hustong gulang na? (Hindi, hindi niya kaya.) Tiyak na hindi. Sa kanyang edad, sadyang hindi pa niya kayang pangasiwaan ang mga kaisipan ng mga taong nasa hustong gulang na. Sabihin ninyo sa Akin, kung titingnan ang kanyang edad, ang sister ba na ito ang pinakamahusay na piliin? (Hindi.) Hindi siya ang pinakamahusay na dapat piliin. Kaya, sa pagpapadala sa batang sister, tama ba ang intensiyon ng lider na ito? (Hindi tama ang kanyang intensiyon.) Hindi tama ang kanyang intensiyon. Hindi niya dapat pinadala ang batang sister. Kalaunan, nang makipag-ugnayan ang batang sister sa lider ng denominasyong iyon at natuklasan na hindi mabuting tao ang lider ng denominasyon, iniulat niya ito pabalik sa lider, ipinapahayag na talagang natatakot siya at hindi na siya nangahas na bumalik. Ginipit siya ng lider, iginigiit na, “Hindi, tungkulin mo ito, at dapat kang pumunta!” Napaluha ang batang sister, sinasabing, “Tungkulin ko ito, at dapat akong pumunta, pero hindi ko kaya, hindi ko ito kayang pangasiwaan.” Gayumpaman, hindi nagpatinag ang lider na ito at patuloy niyang sinabi, “Kahit na hindi mo ito kaya, kailangan mong pumunta; walang ibang pupunta, kaya kailangang ikaw ang pumunta!” Anong klaseng lider ang tingin ninyo rito? Bukod sa pinoprotektahan niya ang kanyang sarili kapag may papalapit na panganib, inilalagay rin niya ang ibang tao sa panganib habang siya ay umaatras. Kahit sa mga sitwasyon na ipinahayag ng batang sister ang kanyang kawalan ng kakayahan at umiyak pa ito sa takot, hindi pa rin sumang-ayon ang lider. Anong klaseng sawing-palad ito? Tao ba ito? (Hindi.) Hindi ito isang tao. Hindi niya isinaalang-alang ang seguridad ng kanyang mga kapatid, kundi ang sarili lamang niya. Ipinagpalit pa nga niya ang seguridad ng iba sa kanyang sariling interes, katulad ng mga magulang na nagsusugal, na kapag naubos na ang lahat ng kanilang pera at wala nang natira, iniaalok nila ang kanilang sariling mga anak na babae bilang kolateral sa kanilang mga utang, para makaligtas sila sa hirap at makaiwas sa sakuna, isinasakripisyo ang kanilang pinakamamahal kapalit ng kanilang sariling kaligayahan. Anong klaseng sawing-palad ang lider na ito? May natitira pa bang pagkatao sa kanya? (Wala.) Walang bahid na pagkatao sa kanya. Batay sa pag-uugaling ito, maaari bang maklasikipa ang mga taong tulad nito bilang mga anticristo? (Oo, maaari.) Talagang maaari! Maaaring sinasabi ng iba, “Ang ginagawa nila ay alang-alang sa gawain ng iglesia, para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Hindi ba’t mabuti ang layon nila? Hindi ba’t ginagawa nila ito para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Paanong maklaklasipika sila bilang mga anticristo?” Mayroon na bang nag-isip nang ganito? Mabibigyan ba ng katwiran ito? (Hindi.) Kung gayon, sabihin ninyo sa Akin, ano ang kalikasan ng isyung ito? (Ginamit ng lider na ito, alang-alang sa sarili niyang interes at kaligtasan, ang buhay at seguridad ng batang sister bilang kapalit, ibig sabihin, sinadya niyang itulak ang batang sister sa kapahamakan—mayroon siyang lubos na mapaminsalang pagkatao.) Sa mas simpleng salita, ginawa ng lider na ito ang ganitong pagsasaayos kahit alam na alam niyang hindi kaya ng batang sister ang gampaning ito, para lamang maprotektahan ang kanyang sarili. Kasabay nito, ginawa niya ito para may maipakita siyang patunay sa pagtupad ng kanyang sariling tungkulin, isinasakripisyo ang mga interes at seguridad ng iba para matamo ang kanyang mga pansariling layon. Iyon ang kanyang intensiyon. Sadyang hindi niya isinaalang-alang kung sino ang may kakayahang gumawa sa trabahong ito, kung sino ang makakapagpabalik-loob sa taong ito, o kung sino ang epektibong makakagawa sa trabahong ito, hinahanap ang pinakamahusay na tao para sa gampanin. Ang diwa ng kanyang mga kilos ay hindi tungkol sa paggampan ng kanyang tungkulin o pagtupad ng kanyang katapatan o responsabilidad, kundi ito ay tungkol sa pagkakaroon ng patunay sa kanyang mga nakatataas at pagprotekta sa kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsasakripisyo sa mga interes ng iba, na nakakapinsala pa nga sa iba. Kumilos siya sa paraang nakakapinsala sa iba para maprotektahan ang kanyang sarili at matamo ang sarili niyang mga layon—hindi ba’t ito ang diwa ito? (Oo.) Iyan ang diwa nito. Samakatuwid, ang mga kilos ng lider na ito ay maaaring maklasipika bilang mga kilos ng isang anticristo. Hindi ba’t ito ang ugat ng usapin? (Oo, ito nga.) Ito mismo ang sitwasyon. Kung walang naaangkop na mga kandidato, at wala roon ang batang sister, kung siya mismo ang inutusan na pumunta para mapabalik-loob ang lider ng denominasyong iyon, pupunta kaya siya? Makakaya kaya niyang sabihin na, “Kung walang mga naaangkop na kandidato, ako na ang pupunta. Hindi ako natatakot. Kahit pa ibig sabihin nito ay isasakripisyo ko ang aking buhay para makamit ang taong ito, handa akong gawin iyon, dahil ito ang aking tungkulin at responsabilidad”? Magagawa kaya niya iyon? (Hindi.) Bakit natin sinasabing hindi niya magagawa ito? Hindi tayo nanghuhula rito. Ano ang batayan natin sa pagsasabing hindi niya ito magagawa? (Dahil noong ginagawa niya ang kanyang tungkulin, hindi talaga ito para magkamit ng mga resulta at mapabalik-loob ang potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo. Kaya, iniraraos lamang niya ang gawain sa pamamagitan ng pagpapadala ng batang sister. Kung wala ang batang sister doon, hindi siya personal na pupunta para makamit ang taong ito.) Tama, ganoon nga ang mangyayari. Kung nakita niyang walang naaangkop na kandidatong maipapadala, hindi ba’t dapat siya na mismo ang pumunta? (Oo.) Kung tunay siyang tapat sa kanyang tungkulin at hindi isinasaalang-alang ang sarili niyang seguridad, hindi sana niya hinayaang pumunta ang batang sister, kundi siya na sana mismo ang pupunta. Kung gayon, ano ang isyung binibigyang-diin sa hindi niya pagpunta mismo? (Pinoprotektahan niya ang sarili niyang seguridad at mga interes.) Tama, ganoon nga ang nangyari. Kung tunay siyang tapat sa kanyang tungkulin, dapat sana ay pinasan niya ang responsabilidad na iyon nang siya mismo. Subalit, hindi niya ginawa iyon; sa halip, pinili niya ang pinakahindi-angkop na kandidato na pumunta sa halip na siya. Intensiyon ba niya na magpadala ng pinakahindi-angkop na tao sa pinakamapanganib na lugar para makamit ang sarili niyang layon na pagpananggalang sa kanyang sarili mula sa panganib at pagprotekta sa kanyang sarili? (Oo.) Ito ang pag-uugali ng mga anticristo. Ito ay may kinalaman sa pagsasaayos ng mga tao.
Sa mainland China, tuloy-tuloy at brutal na sinusupil, inaaresto, at inuusig ng malaking pulang dragon ang mga mananampalataya sa Diyos, madalas na inilalagay sila sa mga mapanganib na kapaligiran. Halimbawa, gumagamit ng iba’t ibang palusot ang gobyerno para hulihin ang mga mananampalataya. Sa tuwing nadidiskubre nila ang lugar kung saan naninirahan ang isang anticristo, ano ang unang naiisip ng anticristo? Hindi ito tungkol sa wastong pagsasaayos ng gawain ng iglesia, kundi ito ay tungkol sa kung paano makakatakas sa mapanganib na sitwasyong ito. Kapag nahaharap ang iglesia sa panunupil at mga pag-aresto, hindi kailanman nakikibahagi ang mga anticristo sa pinapasubaybay na gawain. Hindi sila nagsasaayos ng mahahalagang mapagkukunan o ng mga tauhan sa iglesia. Sa halip, naghahanap sila ng mga palusot at dahilan para makakuha sila ng isang ligtas na lugar para sa kanilang sarili at iyon lang iyon. Kapag nasiguro na ang kanilang personal na seguridad, bihira na silang makibahagi nang personal sa pagsasaayos ng mga gawain, tauhan, o mapagkukunan ng iglesia, at hindi rin sila nag-uusisa sa usapin o gumagawa ng anumang mga partikular na pagsasaayos. Dahil dito, hindi agad nalilipat sa mga ligtas na lugar ang mga mapagkukunan at pananalapi ng iglesia, at sa huli, marami ang ninanakaw at tinatangay ng malaking pulang dragon, na nagdudulot ng malalaking kawalan sa iglesia at humahantong sa pagkakadakip ng mas maraming kapatid. Ito ang resulta ng pag-iwas ng mga anticristo sa kanilang responsabilidad sa gawain. Sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo, palaging nangunguna ang kanilang personal na seguridad. Isa itong isyu sa puso nila na isang palagiang alalahanin para sa kanila. Iniisip nila, “Hindi ako dapat malagay sa gulo. Kung sino man ang mahuhuli, hindi dapat ako—kailangan kong manatiling buhay. Naghihintay pa rin akong makibahagi sa kaluwalhatian ng Diyos kapag natapos na ang gawain ng Diyos. Kung mahuhuli ako, kikilos ako tulad ni Hudas, at magiging katapusan ko na. Walang magiging magandang kalalabasan para sa akin. Parurusahan ako.” Kaya, sa tuwing pumupunta sila sa isang bagong lugar para magtrabaho, una nilang sinisiyasat kung sino ang may pinakaligtas at pinakamakapangyarihang sambahayan, kung saan maaari silang magtago mula sa paghahanap ng gobyerno at makaramdam na ligtas sila. Pangalawa, naghahanap sila ng mga sambahayan na may mas mainam na kondisyon ng pamumuhay, kung saan may karne sa bawat kainan, aircon sa tag-init, at heater sa taglamig. Dagdag pa rito, inuusisa nila kung sino sa mga mananampalataya ang mas masigasig at mayroong mas matibay na pundasyon, isang taong kayang magbigay ng proteksyon kapag nagkakaproblema. Sinisiyasat muna nila ang lahat ng bagay na ito. Pagkatapos ng kanilang pagsisiyasat, naghahanap sila ng lugar na matitirhan at gumagawa sila ng ilang mababaw na gawain, nagpapadala ng liham, o naghahatid ng ilang impormasyon o mga pagsasaayos ng gawain sa pamamagitan ng pasalita. Ngayon, sa tingin mo ba ay may kakayahan ang mga anticristo na gumawa? Kapag tinitingnan mo kung paano nila maingat at maayos na isinasaalang-alang at isinasaayos ang kanilang personal na seguridad, mukhang alam nila kung paano gumawa ng partikular na gawain, alam nila sa kanilang puso kung paano ito gagawin. Gayumpaman, hindi tama ang kanilang intensiyon, personal na pakinabang lang ang iniisip nila, at sila ay tutol sa katotohanan; kahit na alam nila na ang ginagawa nila ay kontra sa katotohanan at ito ay makasarili at kasuklam-suklam, iginigiit nilang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa kanilang sariling paraan at kumikilos sila nang walang pakundangan at walang ingat. Lahat ng ginagawa ay para mapanatili ang kanilang sariling seguridad. Pagkatapos nilang mapanatag ang kanilang sarili at maramdaman nilang malayo na sila sa kapahamakan, na lumipas na ang panganib, nagpapatuloy ang mga anticristo sa paggawa ng mababaw na gawain. Talagang maselan ang mga anticristo sa kanilang mga pagsasaayos, pero nakadepende ito sa kung sino ang kanilang kinakaharap. Napakaingat nilang pinag-iisipan ang mga bagay na may kinalaman sa kanilang sariling mga interes, pero pagdating sa gawain ng iglesia o sa kanilang sariling mga tungkulin, ipinapakita nila ang kanilang pagiging makasarili at kasuklam-suklam at hindi sila nagpapakita ng pagkaresponsable, ni wala silang kahit bahid ng konsensiya o katwiran. Dahil mismo sa mga pag-uugaling ito kaya sila naklaklasipika bilang mga anticristo. Kung manghuhusga tayo batay lamang sa kakayahan, kung isasaalang-alang kung paano sila nag-iisip nang mabuti at gumagawa ng detalyado at kongkretong mga plano para sa sarili nilang seguridad, hindi sila nagkukulang sa kakayahan at may utak sila. Tiyak na may kakayahan silang pangasiwaan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ngayon, kung titingnan mo ito batay sa kanilang kakayahan, hindi sila dapat bansagang mga anticristo, kung gayon bakit binabansagan pa rin sila nang ganoon? Ito ay natutukoy batay sa kanilang diwa, sa kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan at isagawa ito, sa kung sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan. Maingat at tiyak nilang isinasaalang-alang at isinasaayos ang kanilang kapaligiran sa pamumuhay, ang kanilang pagkain at inumin, at ang kanilang seguridad. Ngunit pagdating sa gawain ng sambahayan ng Diyos, sila ay nagiging ganap na ibang tao, lubos na makasarili at kasuklam-suklam, hindi nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa layunin ng Diyos. Tiyak na hindi ito ang mga taong naghahangad sa katotohanan. Hinaharap ng mga anticristo ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas sa pamamagitan ng pagsasala sa mga ito. Pinipili nila kung ano ang nais at ayaw nilang gawin, at kung ano ang may kaugnayan at walang kaugnayan sa sarili nilang seguridad. Pagkatapos, gumagawa sila ng ilang madaling gawain na walang panganib, para lang maiwasan na malaman ng Itaas na mabilis silang kumain at mabagal magtrabaho, at na hindi nila inaasikaso ang kanilang mga nararapat na tungkulin. Matapos isaayos ang gawain, hindi nila kailanman inuusisa o pinangangasiwaan kung paano isinasakatuparan ang mga partikular na gampanin. Halimbawa, may mga partikular na prinsipyo at regulasyon ang sambahayan ng Diyos tungkol sa mga handog at iba’t ibang mapagkukunan: kung paano isaayos, saan ilalagay, paano pangangalagaan ang mga ito, at kung sino ang dapat mangalaga. Ang mga anticristo, sa kabilang banda, ay nagsasalita lang tungkol sa mga bagay na ito, at kapag nagawa na nila ang mga pagsasaayos, itinuturing nila itong tapos na. Hindi mahalaga kung ang kapaligiran ay naaangkop o hindi, hindi nila kailanman binibisita ang lugar para tingnan ang paligid; gumagalaw lang ang kanilang mga labi, at sa puso nila ay hindi sila nakakaarok, at hindi nag-uusisa, nagsisiyasat, o nag-aalala kung ang mga partikular na pagsasaayos para sa mapagkukunan ng sambahayan ng Diyos ay angkop o ligtas. Kaya, sa panahon ng pamumuno ng mga anticristo, sa loob ng saklaw ng gawain nila, nasamsam ng masasamang tao ang ilang aklat ng mga salita ng Diyos. Ang ilang aklat ay nabubulok dahil sa hindi tamang pag-iimbak, at sa ilang pagkakataon, ang ilang partikular na aklat o mapagkukunan ay inilalagay sa mga lugar na walang nag-aalaga sa mga ito. Bukod sa nabigo ang mga anticristo na gumawa ng mga partikular na pagsasaayos para sa mga bagay na ito, tiyak na hindi sila nag-uusisa, nagsisiyasat, o nagtatanong tungkol sa mga ito. Sa halip, itinuturing nila na tapos na ang kanilang tungkulin kapag nagawa na nila ang mga kaayusan. Magaling lang silang magsalita at iyon na iyon; iniraraos lang nila ang gawain nang hindi naghahanap ng aktuwal na mga resulta. Nagpapakita ba ng katapatan ang mga anticristo sa pamamagitan ng mga pag-uugaling ito? (Hindi.) Wala silang katapatan. Pagdating sa pagsasaayos ng iba’t ibang mapagkukunan ng iglesia, hindi kailanman nag-uusisa ang mga anticristo. Ano ang ibig sabihin ng “hindi kailanman nag-uusisa”? Ibig bang sabihin nito ay wala silang ginagawang anumang pagsasaayos? Iniraraos lang nila ang gawain at gumagawa sila ng mga pagsasaayos para linlangin ang mga tao, baka may mag-ulat sa kanila sa mga nakatataas. Ngunit hindi sila gumagawa ng anumang partikular na gawain. Ano ang tinutukoy ng partikular na gawain? Kasama rito ang pagtukoy kung saan dapat ilagay ang mga bagay na ito, kung ligtas ba o hindi, kung baka may mangyari sa mga ito, kung baka dumating ang mga daga at ngatngatin ng mga ito ang mga gamit, kung baka bahain o nakawin ang mga ito, kung naaangkop ba ang mga indibidwal na responsable sa pangangalaga, at iba pa. Ang mga anticristo, gayumpaman, ay hindi kailanman nag-uusisa, hindi kailanman nagsisiyasat, at hindi kailanman nag-aalala. Sa kanilang puso, naniniwala silang hindi para tamasahin nila ang mga bagay na ito; hindi nila pinahahalagahan ang mga ito at walang silbi ang mga ito sa kanila. Ang mga ito ay pag-aari ng iba, pag-aari ng sambahayan ng Diyos, at walang kinalaman sa kanila. Wala silang pakialam; hinahayaan ang sinumang gustong magmalasakit ang siyang mag-alala tungkol dito—hindi sila nag-aalala. Isinasaayos nila ang mga bagay-bagay, at iyon na iyon. Ang ilang anticristo ay hindi man lang nag-aabalang magsaayos. Naniniwala sila na, hindi sila makakakuha ng anumang gantimpala kahit na gawin pa nila ang gawaing ito nang maayos, at na walang sinuman ang magpapanagot sa kanila kung hindi nila ito ginawa nang maayos. Sino ang mag-uulat sa kanila para sa ganito kaliit na bagay? Parurusahan ba sila ng Diyos dahil dito? Ang saloobin at pananaw ng mga anticristo sa kanilang mga tungkulin ay ganoon lang: Iniraraos lang nila ang gawain at pabasta-bastang pinangangasiwaan ang mga bagay-bagay. Hangga’t hindi nakakaapekto ang mga bagay na ito sa sarili nilang katayuan o seguridad, wala silang pakialam kung pinamahalaan ang mga ito o hindi. Kung ang mga bagay na ito ay nawala, nabawasan, o nasira man, ang lahat ay walang kaugnayan sa kanila. Sa isipan ng mga anticristo, ang mga mapagkukunang ito ng sambahayan ng Diyos ay itinuturing na pampublikong ari-arian. Hindi nila kailangang mag-alala tungkol sa mga ito, hindi nila kailangang intindihin, at hindi nila kailangang gumugol ng lakas para pamahalaan ang mga ito. Kaya, sa panahon ng pamumuno ng mga anticristo, dahil sa kanilang kapabayaan sa tungkulin, sa pagtuon nila sa pansariling kasiyahan, at sa pagkabigong gampanan ang ilang partikular na gampanin, ang iba’t ibang mapagkukunan sa sambahayan ng Diyos ay ninanakaw o tinangay ng malaking pulang dragon, o kinumpiska ng ilang masamang tao. Maraming ganitong kaso. Maaaring sinasabi ng ilan, “Sa ganitong mapanlaban na kapaligiran, sino ang metikulusong makakapag-asikaso sa lahat? Sino ang makakaiwas sa kaunting kapabayaan o paggawa ng ilang kamalian?” Tungkol lang ba ito sa paggawa ng ilang kamalian? Maglalakas-loob Ako na sabihing, kung kayang tuparin ng mga tao ang kanilang mga responsabilidad at magpakita ng katapatan, hindi magiging ganoon kalaki ang kawalan sa mga mapagkukunang ito; tiyak na mababawasan ito, at mapapabuti nang husto ang pagiging epektibo ng gawain.
Nananampalataya ang mga anticristo sa Diyos upang magkamit ng mga pagpapala. Hindi sila kailanman nag-aalala sa anumang bagay na may kaugnayan sa sambahayan ng Diyos o sa mga interes ng Diyos. Anuman ang gawin nila ay kailangang umiikot sa kanilang mga pansariling interes. Kung ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay walang kinalaman sa kanilang mga pansariling interes, sadyang wala silang pakialam at hindi sila nag-uusisa tungkol dito. Lubha silang makasarili! Noong kumikilos bilang lider ang ilang partikular na anticristo, ninakaw ng malaking pulang dragon ang napakaraming handog na nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa, at isang nakakagulat na halaga ang nawala. Pero hindi man lang sinisi ng mga anticristong ito ang kanilang sarili. Sinabi pa nga nila pagkatapos, “Hindi lang naman ako ang responsable rito: Paanong sa akin lahat ibubunton ang sisi? Bukod pa rito, hindi maiiwasan ang ganitong uri ng sitwasyon.” Wala man lang silang naramdamang pagsisisi, ibinunton nila ang sisi sa ibang tao, at, puno ng mga palusot, sinubukan nilang ipagtanggol ang kanilang sarili. Anong uri sila? Hindi ba’t dapat patalsikin ang mga ganitong tao? Hindi ba’t dapat silang sumpain at parusahan? (Oo.) Pagkatapos gumawa ng ganito kalaking pagkakamali, talagang walang pagsisisi ang mga anticristong ito! Anong mga pagpapamalas ang maipapakita ng isang normal na tao, isang taong may pagkatao, isang taong tapat sa Diyos, o isang taong may-takot-sa-Diyos na puso, kung dahil sa kanilang kapabayaan ay naagaw ng malaking pulang dragon ang mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos? (Makararamdam sila ng pagsisisi, sisisihin nila ang kanilang sarili, at mararamdaman nila sa kanilang puso na hindi nila tinupad nang maayos ang kanilang tungkulin.) Ano ang susunod nilang gagawin? Mag-iisip sila ng paraan para makabawi. Mula sa kaibuturan ng kanilang puso, makakaramdam sila ng pagkakautang at pagsisisi; anuman ang sabihin ng iba, hindi sila magrereklamo ng kahit isang salita, hindi nila ipagtatanggol ang kanilang sarili. Aaminin nila na kapabayaan nila iyon, ang kanilang pagsalangsang. Tatanggapin nila ang anumang sinabi sa kanila ng Diyos at kung paano man sila napagpasyahang pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos. Kung gayon, bakit hindi ito matanggap ng mga anticristo? Bakit puno ng hinaing ang pakiramdam nila pagkatapos mapatalsik? Ibinubunyag nito ang kalikasan ng mga anticristo. Ang mga anticristong ito ang nagdulot ng malalaking kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, napakaraming pagsisikap ng iba ang nasayang dahil sa kanilang pagpapabaya sa kanilang mga tungkulin, at napakaraming handog ang nakuha ng malaking pulang dragon, ngunit wala silang naramdamang paninisi sa sarili, walang naramdamang pagkakautang, at ipinagtanggol pa nga nila ang kanilang sarili. Nang pangasiwaan sila ng sambahayan ng Diyos, tumanggi silang magpasakop, at ipinagkalat nila kahit saan ang kanilang pagsuway. Anong uri sila? Hindi ba’t ito ay pagtawag ng sariling kamatayan? (Oo.) Ito ay pagtawag ng sariling kamatayan. Kung titingnan ang kaibuturan ng mga anticristo, ang kanilang kalikasang diwa ay pagiging mapanlaban sa katotohanan at sa Diyos. Wala silang pagkatao; sila ay mga buhay na demonyo, mga Satanas, mga hayop na nakasuot ng damit ng tao. Kapag gumawa ng maliit na pagkakamali o nagsabi ng maling bagay ang mga taong may pagkatao, nakakaramdam sila ng paninisi sa sarili. Ngunit ang mga buhay na demonyo, ang mga anticristo, ay hindi nakakaramdam nito. Kahit na pagkatapos gumawa ng napakatinding pagkakamali, hindi nakaramdam ng anumang paninisi sa sarili ang mga anticristong iyon, at sinubukan pa nga nilang ipagtanggol ang kanilang sarili. Kung gayon, ano ang katotohanan para sa kanila? Kinikilala ba nila ang katotohanan sa puso nila? Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at ang Diyos ang katotohanan—kinikilala ba nila ang katunayang ito? (Hindi nila ito kinikilala.) Malinaw na hindi nila ito kinikilala. Sa puso nila, itinuturing nila ang kanilang sarili bilang ang katotohanan, bilang Diyos; iniisip nila na maliban sa kanila, wala nang ibang Diyos. Hindi ba’t mga diyablo ito? (Oo.) Ito ay mga diyablo, mga tipikal na diyablo. Ang mga anticristo ay hindi man lang nag-uusisa tungkol sa mga mapagkukunan ng iglesia, at hindi rin sila gumagawa ng anumang mga partikular na pagsasaayos para sa mga ito. Pero kapag nagkataong may pag-aari silang isang mahalagang bagay, makakasiguro ka na aalagaan nila ito nang mabuti. Hindi sila magbubunyag ni isang salita tungkol dito kahit na nagsasalita sila kapag tulog, at hindi mo rin ito mapipilit na ilabas mula sa kanila. Binabantayan nila ito nang napakahusay. Gayumpaman, pagdating sa mga mapagkukunan ng sambahayan ng Diyos, ang kanilang saloobin ay ganap na naiiba. Ang totoo ay may ganitong klaseng saloobin sila: “Ano ba ang kinalaman niyan sa akin? Hindi ko naman natatamasa ang mapagkukunang iyan, at hindi naman sa akin iyan. Kahit na alagaan ko iyan nang mabuti, baka ibigay lang ito sa iba! Ano ang silbi ng pagbabantay rito nang maigi?” Hindi nila itinuturing na tungkulin nila ang bagay na ito. Hindi ba’t kawalan ito ng pagkatao? (Oo.) Ito ay isang pagpapamalas ng kawalan ng pagkatao. Ano ang tawag dito? Ang tawag dito ay pagiging hindi maaasahan. Ipinagkatiwala ng Diyos ang gawaing ito sa iyo, at ibinigay sa iyo ang mga tungkuling dapat mong gampanan—ito ay parte ng trabaho mo. Dapat mong pangasiwaan nang maayos ang mga bagay na ito, isa-isang isinasakatuparan ang mga ito, sinusunod ang mga hinihinging prinsipyo ng Diyos at ang mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos, at isinasaayos ang mga ito nang tama, pagkatapos, matutupad na ang iyong responsabilidad. Pero mayroon bang ganitong pag-iisip o ideya ang mga anticristo? (Wala.) Wala talaga. Ito ay ganap na kawalan ng pagkatao. Ano ang partikular na pagpapamalas ng kawalan ng pagkatao? Ito ay ang walang pakialam sa pagkakaroon ng konsensiya o katwiran, at pagiging makasarili at kasuklam-suklam, pagiging hindi mapagkakatiwalaan, pagiging hindi maaasahan, at pagiging hindi karapat-dapat pagkatiwalaan ng anumang bagay.
Pagdating sa mga usapin ng mga tauhan sa loob ng iglesia, tulad ng kung sino ang gumagawa ng partikular na gawain sa kung saan, kung ginagawa ba nila ito nang tama, kung epektibo ba nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin, kung may lumabas na mga pagkakataon ng pagkagambala o kaguluhan, o kung ano ang feedback ng mga kapatid, ang mga anticristo ay hindi kailanman detalyadong nag-uusisa o nagsasaayos ukol sa mga bagay na ito. Halimbawa, kapag hinihiling ng sambahayan ng Diyos sa kanila na magbigay ng iba’t ibang uri ng indibidwal na may talento, sinusulyapan lang ng mga anticristo ang mga nakasulat na pagpapakilala ng mga indibidwal na ito nang hindi partikular na inaalam o inuusisa ang kanilang mga sitwasyon—halimbawa, kung ang mga indibidwal na ito ay may pundasyon sa kanilang pananalig, kung kumusta ang kanilang pagkatao, kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, kung ang kanilang mga partikular na talento at teknikal na kasanayan ay naaayon sa mga pamantayang hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at kung sila ay angkop na linangin at na umako ng mahahalagang tungkulin. Pabasta-basta lang na ginagawa ng mga anticristo ang mga bagay na ito, nagpapakitang-tao sila, sandaling sinusuri ang mga nakasulat na pagpapakilala, at iyon na iyon. Hindi talaga sila kailanman nakikisalamuha sa mga sinasabing indibidwal, ni naghahanap ng detalyado o malalim na pag-unawa sa mga ito. Dahil dito, karamihan sa mga taong pinipili nila ay natitiwalag sa huli dahil hindi nagampanan ng mga ito ang kanilang mga tungkulin o hindi naasikaso ang nararapat na gawain ng mga ito. Paano tinitingnan ng mga anticristo ang sitwasyong ito? “Hindi naman itinataas ang ranggo ko sa paggawa ng mga tungkuling ito; wala akong parte sa mga ito. Ano ang pagkakaiba kung sino ang pupunta? Hangga’t inaaprubahan ko ang mga rekomendasyon at ibinibigay ang mga taong ito, ibig sabihin niyon ay ginagawa ko ang aking trabaho. Bukod pa rito, ang mga indibidwal na itinaas ang ranggo ay magkakaroon ng utang na loob sa akin. Hindi ko na problema iyon kung angkop man silang linangin o hindi.” Kung ang mga anticristo ay nagbibigay ng mga hindi angkop na indibidwal, na nagdudulot ng mga hadlang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, may pananagutan ba sila? (Oo.) Malaki ang kanilang pananagutan, pero ang mga diyablong ito ay hindi man lang nagsasagawa ng anumang pagsusuri. Sabi ng ilan, “Sa mga partikular na lugar na may malulupit na kapaligiran, hindi namin nagagawang makipag-ugnayan sa mga tao nang harapan. Paano namin sila masusuri?” Gaano man kalupit ang kapaligiran, mayroon pa ring mga pamamaraan at diskarte para pangasiwaan ang mga usaping ito. Depende ito kung responsable ka at tunay na nakatuon. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Kung ibinibigay mo ang iyong katapatan at pagiging responsable, kahit hindi ideyal ang resulta, sinisiyasat at alam ito ng Diyos, at hindi ikaw ang mananagot. Pero kung hindi mo ibibigay ang iyong katapatan at pagiging responsable, kahit na hindi magkaroon ng problema at hindi ito humantong sa anumang masamang kahihinatnan sa huli, sisiyasatin pa rin ito ng Diyos. Magkaiba ang kalikasan ng dalawang pamamaraang ito, at tatratuhin din ng Diyos nang magkaiba ang mga ito. Nagpapakana rin ang mga anticristo pagdating sa pagbibigay ng mga tao, mayroon din silang mga makasarili at kasuklam-suklam na motibo, at wala silang katapatan. Kahit ano pa ang kanilang ginagawa, ang mga anticristo ay may sariling mga kalkulasyon at hindi sila sumusunod sa mga prinsipyo. Higit pa rito, para magawa nang maayos ang kongkretong gawain, kailangan nilang magpakita ng kanilang mukha, maglibot-libot para makipagkita sa mas maraming tao, magtiis ng mga paghihirap, at sumuong sa mga panganib. Sa sandaling may kinalaman ang isang bagay sa kanilang sariling seguridad, nagsisimula na namang muling magkalkula ang mga anticristo, at nabubunyag ang kanilang kalikasan. Ano ang nabubunyag? Naniniwala sila na ang pakikipag-ugnayan sa napakaraming tao ay isang panganib sa kanilang sariling seguridad, at na hindi sila pwedeng basta-bastang makipag-ugnayan sa mga tao. Hindi nakikipag-ugnayan ang mga anticristo sa mga dapat nilang kausapin at hindi sila nakikipagkita sa kahit sino, sa halip ay naghahanap sila ng isang ligtas na lugar na matutuluyan, nagtatago at walang ibang ginagawa kundi mga simpleng gampanin. Tungkol naman sa kung gaano kaayos ang pagkakagawa sa iba pang aspekto ng gawain, kung may mga tao bang nagsasanhi ng mga kaguluhan, o kung ang mga pagsasaayos ng gawain, iba’t ibang aklat ng mga salita ng Diyos, o mga naitalang sermon ay naipamamahagi ba, hindi kailanman gumagawa ng mga partikular na pagsasaayos o pag-uusisa ang mga anticristo tungkol sa mga bagay na ito. Hindi ibig sabihin na kailangan nilang sumuong sa mga panganib, magpakita ng kanilang mukha, at makaranas ng problema para maituring na tapat. Ano ang isyu rito? Sino ang makakapagpaliwanag? (Noong una nilang sinimulan ang gawaing ito, hindi nila kailanman isinaalang-alang kung paano ito gagawin nang maayos o kung ang mga inirekomendang tauhan ay angkop ba, at hindi sila kailanman kumilos nang buong puso o tumupad sa kanilang responsabilidad. Hindi nila naisip ang mga bagay na ito kahit kailan.) Sadyang wala silang ipinapakitang katapatan. May kaibahan sa kalikasan ng kung paano gumagawa ang mga taong tapat sa Diyos kumpara sa mga taong hindi tapat. Kapag kapwa sila nahaharap sa mga bagay na may kinalaman sa panganib, nagagawa ng mga taong may katapatan na humarap sa panganib at gawin ang kanilang gawain, gamit ang karunungan at mga pamamaraan para ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Gayumpaman, hindi nakikibahagi ang mga anticristo sa kongkretong gawain, may sangkot man na panganib o wala, at hindi nila kailanman naipapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Iyan ang pagkakaiba. Maaaring pasalitang nagtatanong ang mga anticristo tungkol sa sitwasyon ng iglesia, sa iba’t ibang gampanin, at iba pa, ngunit kahit ang kanilang mga pag-uusisa ay mga pormalidad lamang, gumagawa lamang sila ng pang-ibabaw na pagsisikap, at hindi talaga sila metikuloso tungkol sa mga ito. Sa panlabas, maaaring mukhang gumagawa sila ng kongkretong gawain, pero ang totoo, hindi nila naiintindihan ang gawain, hindi sila nagtatala, hindi nila ito pinagninilay-nilayan, at hindi sila nagdarasal o naghahanap. Hindi sila gumugugol ng lakas sa pag-iisip kung paano umuusad ang iba’t ibang parte ng gawain, o kung sino ang responsable sa mga aspekto kung saan hindi nagawa nang maayos ang mga bagay-bagay, o kung sinong mga lider ng iglesia ang maaaring hindi angkop, o kung saan hindi naipatupad ang gawain. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay na ito, iniraraos lang nila ang gawain, at kapag natutukoy nila ang mga isyu, hindi nila nilulutas ang mga ito. Ang ilang di-umano’y lider ay pinagsasama lang ang mga tao para sa mga pagtitipon, nag-uusisa tungkol sa sitwasyon, at nagsusuri at nagsisiyasat sa gawain. Sa sandaling may sangkot na kongkretong gawain, at hinihingi nitong magdusa at magbayad sila ng halaga, na maaaring maglagay sa kanilang personal na seguridad sa panganib, at may kasamang partikular na antas paghihirap, hindi nila ito ginagawa. Humihinto sila sa gawain sa puntong iyon, inuuna ang pangangalaga sa kanilang sarili. Kahit na kapag nakakapansin sila ng mga isyu, hindi sila gumagawa ng mga partikular na pagsasaayos. Kung kilala sila sa kanilang pananalig, at nanganganib na mahuli, ipinagkakatiwala ba nila ang mga gampaning ito sa iba? Hindi. Hindi nila isinasaayos na gawin ng ibang tao ang mga gampaning ito, at iyon ang problema. Kung gayon, ano ang diwang ibinubunyag ng mga ganitong tao? Wala silang katapatan, makasarili at kasuklam-suklam sila, at iniisip lang nila ang kanilang sariling kaligtasan sa lahat ng bagay. Hindi nila kailanman inuusisa ang tungkol sa kung naipapatupad ba ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, o ang tungkol sa pag-usad ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at wala silang pakialam sa mga bagay na ito. Hindi nila ibinigay ang kanilang katapatan, at hindi nila ipinapakita ang kanilang katapatan. Para sa kanila, sapat na ang iraos lang ang gawain tungkol sa mga bagay na ito; itinuturing nila ito na paggawa ng trabaho. Kung maliit ang panganib, maaaring atubiling gagawa sila ng kaunting gawain. Pero kung malaki ang panganib, at may posibilidad na mahuli sila, hindi nila ito gagawin, gaano man kahalaga ang gampanin. Iyan ang diwa ng mga anticristo. Sa kaibuturan ng kanilang puso, hangga’t ligtas ang kanilang mga interes, kaya nilang ipagkanulo ang kahit sino. Nakakamit ang kanilang mga interes kapalit ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; para sa kanila, ang kanilang interes ang pinakamahalaga. Kaya bang maging tapat ng mga anticristo kapag umaako sila ng tungkulin? (Hindi, hindi nila kaya.) Imposible para sa kanila ang maging tapat. Kaya ba nilang isaalang-alang ang buhay at seguridad ng kanilang mga kapatid? (Hindi nila kaya.) Pagdating sa kanilang sariling seguridad, sarili lamang nila ang iniingatan ng mga anticristo, itinutulak nila ang kanilang mga kapatid sa umaapoy na hukay, at ginagamit ang mga ito bilang mga nakasanlang isasakripisyo. Iyan ang kalikasang diwa ng mga anticristo.
Bukod sa pagsasaalang-alang sa sarili nilang seguridad, ano pa ang iniisip ng ilang partikular na anticristo? Sinasabi nila, “Ngayon, hindi maganda ang kapaligiran natin, kaya, huwag na nating gaanong ipakita ang ating mukha at bawasan na rin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sa ganitong paraan, mas maliit ang tsansa natin na mahuli, at hindi masisira ang gawain ng iglesia. Kung iiwasan natin na mahuli tayo, hindi tayo magiging Hudas, at magagawa nating manatili sa hinaharap, hindi ba?” Hindi ba’t mayroong mga anticristo na gumagamit ng mga gayong dahilan para ilihis ang kanilang mga kapatid? Ang ilang anticristo ay takot na takot sa kamatayan at umiiral sa buhay nang walang dangal; gusto rin nila ang reputasyon at katayuan, at handa silang umako ng mga tungkulin ng pamumuno. Bagamat alam nila na, “Hindi madaling pasanin ang gawain ng isang lider—kapag nalaman ng malaking pulang dragon na ginawa akong isang lider, magiging sikat ako, at baka mailagay ako sa listahan ng mga pinaghahanap, at kapag nahuli ako, manganganib ang buhay ko,” alang-alang sa pagtatamasa ng mga pakinabang sa katayuang ito, binabalewala nila ang mga panganib na ito. Kapag nagsisilbi sila bilang mga lider, ang kasiyahan lang ng kanilang laman ang iniisip nila, at hindi sila nakikibahagi sa aktuwal na gawain. Bukod sa kaunting pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang iglesia, wala na silang ginagawa pa. Nagtatago sila sa isang lugar at hindi nakikipagkita sa kahit sino, nananatili silang malayo, at hindi alam ng mga kapatid kung sino ang kanilang lider—ganoon katindi ang kanilang takot. Kaya, hindi ba’t tama na sabihing sila ay mga lider sa pangalan lamang? (Oo.) Hindi sila nakikibahagi sa anumang aktuwal na gawain bilang mga lider; inaalala lamang nila ang pagtatago ng kanilang sarili. Kapag tinatanong sila ng iba, “Kumusta ang pagiging lider?” sinasabi nila, “Masyado akong abala, at alang-alang sa seguridad, kailangan kong magpalipat-lipat ng bahay. Masyadong nakakabagabag ang kapaligirang ito na hindi ako makatutok sa gawain ko.” Palagi nilang nararamdaman na parang maraming mata ang nagmamasid sa kanila, at hindi nila alam kung saan ligtas na magtago. Bukod sa pagbabalatkayo, pagtatago sa iba’t ibang lugar, at hindi pananatili sa isang lokasyon, hindi rin sila gumagawa ng aktuwal na gawain araw-araw. Mayroon bang mga ganitong lider? (Oo.) Anong mga prinsipyo ang sinusunod nila? Sinasabi ng mga taong ito, “Ang isang tusong kuneho ay may tatlong lungga. Para mabantayan ang sarili mula sa atake ng maninila, kailangang maghanda ng kuneho ng tatlong lungga na mapagtataguan. Kung nahaharap sa panganib ang isang tao at kinakailangang tumakas, pero walang mapagtataguan, katanggap-tanggap ba iyon? Dapat tayong matuto mula sa mga kuneho! Ang mga nilikhang hayop ng Diyos ay may ganitong kakayahan na manatiling buhay, at dapat matuto ang mga tao mula sa mga ito.” Simula nang umako ng mga tungkulin ng pamumuno ang mga anticristo, napagtanto nila ang doktrinang ito, at naniwala pa nga sila na nauunawaan na nila ang katotohanan. Sa katunayan, lubha silang natatakot. Sa sandaling mabalitaan nila ang tungkol sa isang lider na naiulat sa pulis dahil hindi ligtas ang lugar na tinitirhan ng mga ito, o ang tungkol sa isang lider na tinarget ng mga espiya ng malaking pulang dragon, at pagkatapos ay nahuli at nasentensiyahan dahil masyado itong madalas lumabas para gawin ang tungkulin nito at nakipag-ugnayan ito sa napakaraming tao, at kung paano nauwi ang mga taong ito sa pagkakaaresto at pagkakasentensiya, sila ay agad na natatakot. Iniisip nila, “Hala! Ako na ba ang susunod na huhulihin? Dapat akong matuto mula rito. Hindi ako dapat masyadong aktibo. Kung maiiwasan ko ang ilang gawain ng iglesia, hindi ko ito gagawin. Kung maiiwasan kong ipakita ang aking mukha, hindi ko ito ipapakita. Babawasan ko ang gawain ko hangga’t maaari, iiwasang lumabas, iiwasang makipag-ugnayan sa kahit sino, at tiyakin na walang nakakaalam na ako ay isang lider. Sa panahon ngayon, sino ang kayang mag-alala para sa iba? Ang pananatiling buhay pa lang ay malaking hamon na!” Simula nang tanggapin ang tungkulin ng pagiging lider, bukod sa pagdadala ng isang bag at pagtatago, wala silang ginagawang anumang gawain. Sila ay nababalisa, palaging natatakot na mahuli at masentensiyahan. Ipagpalagay na may narinig silang nagsabi ng, “Kung mahuhuli ka nila, papatayin ka! Kung hindi ka naging lider, kung isa ka lang ordinaryong mananampalataya, maaaring palalayain ka nila pagkatapos lang magbayad ng kaunting multa, pero dahil lider ka, hindi natin ito masasabi. Masyado itong mapanganib! Ang ilang lider o manggagawa na nahuli ay tumangging magbigay ng anumang impormasyon at binugbog sila ng mga pulis hanggang mamatay.” Kapag nababalitaan nila na may isang taong binugbog hanggang mamatay, lalong tumitindi ang kanilang pangamba, at mas lalo silang natatakot na magtrabaho. Araw-araw, ang iniisip lang nila ay ang kung paano maiiwasang mahuli, paano maiiwasang magpakita ng kanilang mukha, paano maiiwasang masubaybayan, at paano maiiwasang makipag-ugnayan sa kanilang mga kapatid. Pinipiga nila ang kanilang utak sa kakaisip tungkol sa mga bagay na ito at tuluyan nang nakakalimutan ang kanilang mga tungkulin. Mga tapat na tao ba ang mga ito? Kaya bang pangasiwaan ng mga ganitong tao ang anumang gawain? (Hindi, hindi nila kaya.) Ang mga ganitong tao ay sadyang mahina ang loob, at talagang hindi natin sila maaaring bansagan na mga anticristo batay lang sa pagpapamalas na ito, pero ano ang kalikasan ng pagpapamalas na ito? Ang diwa ng pagpapamalas na ito ay katulad ng sa isang hindi mananampalataya. Hindi sila naniniwala na kayang protektahan ng Diyos ang seguridad ng mga tao, at lalong hindi sila naniniwala na ang pag-aalay ng sarili sa paggugol para sa Diyos ay isang paglalaan ng sarili sa katotohanan, at na isa itong bagay na sinasang-ayunan ng Diyos. Wala silang takot sa Diyos sa kanilang puso; kay Satanas lang sila natatakot at sa mga buktot na partidong pampulitika. Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, hindi sila naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at lalong hindi sila naniniwala na sasang-ayunan ng Diyos ang isang taong gumugugol ng lahat para sa Kanya, at alang-alang sa pagsunod sa Kanyang daan, at pagtapos sa Kanyang atas. Hindi nila nakikita ang alinman dito. Ano ang pinaniniwalaan nila? Naniniwala sila na kung mahuhulog sila sa mga kamay ng malaking pulang dragon, mapapahamak ang sarili nila, maaaring masentensiyahan sila o manganib na mawalan ng buhay. Sa puso nila, iniisip lang nila ang kanilang sariling seguridad at hindi ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t mga hindi mananampalataya ang mga ito? (Oo, ganoon sila.) Ano ang sinasabi ng Bibliya? “Ang mawalan ng buhay dahil sa Akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 10:39). Naniniwala ba sila sa mga salitang ito? (Hindi, hindi sila naniniwala.) Kung hihilingin sa kanila na sumuong sila sa panganib habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, gugustuhin nilang magtago at hindi magpakita kahit kanino—gugustuhin nilang maging hindi-nakikita. Ganito kalaki ang kanilang takot. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang sandigan ng tao, na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, na kung talagang may mangyayaring hindi maganda o mahuhuli sila, ito ay pinahihintulutan ng Diyos, at na dapat magkaroon ng pusong nagpapasakop ang mga tao. Ang mga taong ito ay hindi nagtataglay ng ganitong puso, ganitong pang-unawa, o kahandaan. Tunay ba silang nananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Hindi ba’t ang diwa ng pagpapamalas na ito ay katulad ng sa isang hindi mananampalataya? (Oo.) Ganoon iyon. Ang mga ganitong tao ay sobrang mahina ang loob, labis na natatakot, at takot sa pisikal na paghihirap at takot na may masamang mangyari sa kanila. Natatakot sila na parang mga matatakuting ibon at hindi na nila magampanan ang kanilang gawain. Ang uri ng tao na pinag-usapan natin kanina ay talagang hindi gumagawa ng anumang gawain man lang, kahit na kaya nila itong gawin. Kahit na alam nila na may isyu, hindi nila ito pangangasiwaan. Pinoprotektahan lang nila ang kanilang sarili, at labis silang makasarili at kasuklam-suklam. Ang dalawang uri ng tao na ito ay mga hindi mananampalataya. Ang unang uri ay tuso at traydor, takot sa hirap at pagod, nag-aalala sa kanilang laman, at hindi nakikibahagi sa aktuwal na gawain. Ang pangalawang uri ay mahina ang loob at natatakot, hindi naglalakas-loob na gumawa ng aktuwal na gawain, at natatakot na mahuli at usigin ng malaking pulang dragon. Hindi ba’t may pagkakaiba sa dalawang uri ng tao na ito? (Oo.)
Mayroon ba kayong mga halimbawang nalalaman tungkol sa kung paano pinoprotektahan ng mga anticristo ang kanilang sariling seguridad? (O Diyos, may alam akong halimbawa. May isang iglesia na nahuli ng malaking pulang dragon dahil kontrolado ito ng isang anticristo na nagwawala sa paggawa ng kasamaan, at ang mga lider, diyakono, at ilang kapatid ay nahuli lahat. Noong panahong iyon, takot ang anticristo na mahuli. Nang hindi gumagawa ng mga pagsasaayos para sa gawaing pangangasiwa ng resulta ng pangyayari, nagtago siya sa isang liblib na lugar. Tumanggi pa nga siyang manatili sa isang pamilyang nagpapatuloy sa bahay, at sa halip ay iginiit niyang gamitin ang mga handog para magrenta ng lugar. Dahil hindi siya gumawa ng mga nararapat na pagsasaayos para sa mga sumunod na gawain at hindi maagap na inalis ang mga nakatagong panganib, naaresto ang ilang kapatid pagkatapos, at napilitang huminto ang gawain ng iglesia. Malinaw na ang mga anticristo ay sobrang makasarili at kasuklam-suklam. Sa mga kritikal na sandali, pinoprotektahan lang nila ang kanilang mga sariling interes at hindi nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.) Ang mga anticristo ay lubhang makasarili at kasuklam-suklam. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, lalong wala silang katapatan sa Diyos; kapag nahaharap sila sa isyu, sarili lamang nila ang kanilang pinoprotektahan at iniingatan. Para sa kanila, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa sarili nilang seguridad. Hangga’t maaari silang mabuhay at hindi maaaresto, wala silang pakialam kung gaano kalaki ang pinsalang naidulot sa gawain ng iglesia. Labis na makasarili ang mga taong ito, hindi man lang nila iniisip ang mga kapatid, o ang gawain ng iglesia, sariling kaligtasan lamang nila ang kanilang iniisip. Sila ay mga anticristo. Kaya, kapag may gayong mga pangyayari sa mga tapat sa Diyos at sa may tunay na pananalig sa Diyos, paano nila hinaharap ito? Paanong naiiba sa ginagawa ng mga anticristo ang kanilang ginagawa? (Kapag nangyayari ang mga gayong bagay sa mga tapat sa Diyos, mag-iisip sila ng kahit anong paraan para mapangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, para maiwasan ang mga kawalan sa mga handog ng Diyos, at gagawa sila ng mga kinakailangang pagsasaayos para sa mga lider at manggagawa, at sa mga kapatid, upang mabawasan ang mga kawalan. Samantala, sinisiguro muna ng mga anticristo na protektado ang kanilang sarili. Hindi sila nag-aalala sa gawain ng iglesia o sa seguridad ng mga hinirang ng Diyos, at kapag nahaharap sa mga pang-aaresto ang iglesia, nagreresulta ito sa kawalan sa gawain ng iglesia.) Tinatalikuran ng mga anticristo ang gawain ng iglesia at ang mga handog ng Diyos, at hindi nila isinasaayos na pangasiwaan ng mga tao ang mga naiwang pinsala. Katulad ito ng pagpapahintulot sa malaking pulang dragon na kamkamin ang mga handog ng Diyos at ang Kanyang mga hinirang. Hindi ba’t isa itong lihim na pagtataksil sa mga handog ng Diyos at sa Kanyang mga hinirang? Kapag malinaw na alam ng mga tapat sa Diyos na mapanganib ang isang kapaligiran, hinaharap pa rin nila ang panganib ng paggawa sa gawain ng pangangasiwa sa mga naiwang pinsala, at sinisikap nilang panatilihing kakaunti lang ang mga kawalan sa sambahayan ng Diyos bago sila mismo ang umatras. Hindi nila inuuna ang kanilang sariling seguridad. Sabihin mo sa Akin, sa buktot na bansang ito ng malaking pulang dragon, sino ang makatitiyak na walang anumang panganib sa pananampalataya sa Diyos at sa paggawa ng isang tungkulin? Anuman ang tungkuling akuin ng isang tao, may nakapaloob na panganib dito—gayumpaman, ang pagganap sa tungkulin ay iniatas ng Diyos, at habang sinusunod ang Diyos, dapat akuin ng isang tao ang panganib sa paggawa ng kanyang tungkulin. Dapat gumamit ng karunungan ang isang tao, at kailangan niyang gumamit ng mga hakbang para matiyak ang kanyang seguridad, ngunit hindi niya dapat unahin ang pansarili niyang seguridad. Dapat niyang isaalang-alang ang layunin ng Diyos, unahin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang pagkumpleto sa atas ng Diyos sa kanila ang pinakamahalaga, at ito ang prayoridad. Pangunahing prayoridad ng mga anticristo ang kanilang personal na seguridad; naniniwala sila na walang anumang kinalaman sa kanila ang iba pang bagay. Wala silang pakialam kapag may nangyayari sa ibang tao, kahit sino man ito. Hangga’t walang masamang nangyayari sa mismong mga anticristo, panatag ang pakiramdam nila. Wala silang anumang katapatan, na natutukoy sa kalikasang diwa ng mga anticristo. Sa kapaligiran ng mainland China, posible bang maiwasang sumuong sa anumang panganib at tiyaking walang masamang mangyayari habang ginagampanan ang tungkulin? Kahit ang pinakamaingat na tao ay hindi makakatiyak niyon. Ngunit ang pagiging maingat ay kinakailangan. Ang pagiging handa nang maaga ay makakapagpabuti nang kaunti sa mga bagay-bagay, at makakatulong ito na mabawasan ang mga kawalan kapag nagkakaproblema. Kung walang anumang paghahanda man lang, magiging malaki ang mga kawalan. Nakikita mo ba nang malinaw ang kaibahan ng dalawang sitwasyong ito? Samakatuwid, tungkol man ito sa mga pagtitipon o sa paggampan ng anumang uri ng tungkulin, pinakamainam na maging maingat, at kinakailangang magsagawa ng ilang hakbang na pang-apula. Kapag ang isang tapat na tao ay gumagampan sa kanyang tungkulin, maaari siyang mag-isip nang mas komprehensibo at masusi. Gusto niyang isaayos nang mabuti ang mga bagay na ito sa abot ng kanyang makakaya para kung magkakaproblema man, mababawasan ang mga kawalan. Pakiramdam niya ay dapat niyang matamo ang resultang ito. Ang isang taong walang katapatan ay hindi nagsasaalang-alang sa mga bagay na ito. Iniisip niya na hindi mahalaga ang mga bagay na ito, at hindi niya itinuturing ang mga ito bilang kanyang responsabilidad o tungkulin. Kapag may nangyayaring hindi maganda, wala siyang nararamdamang anumang paninisi sa kanyang sarili. Ito ay isang pagpapamalas ng kawalan ng katapatan. Ang mga anticristo ay walang ipinapakitang katapatan sa Diyos. Kapag inaatasan sila ng gawain, masaya nila itong tinatanggap, at gumagawa sila ng ilang magagandang deklarasyon, ngunit kapag dumarating ang panganib, tumatakbo sila nang napakabilis; sila ang unang tumatakbo, ang unang tumatakas. Ipinapakita nito na ang kanilang pagiging makasarili at kasuklam-suklam ay talagang malala. Wala silang anumang pagpapahalaga sa responsabilidad o katapatan man lang. Kapag nahaharap sa isang problema, ang alam lang nila ay tumakas at magtago, at iniisip lang nila ang pagprotekta sa kanilang sarili, hindi kailanman isinasaalang-alang ang kanilang mga responsabilidad o tungkulin. Alang-alang sa kanilang pansariling seguridad, palaging ipinapakita ng mga anticristo ang kanilang makasarili at kasuklam-suklam na kalikasan. Hindi nila inuuna ang gawain ng sambahayan ng Diyos o ang kanilang sariling mga tungkulin. Lalong hindi nila inuuna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, inuuna nila ang sarili nilang seguridad.
Hindi ba’t ang subseksiyong pinagbahaginan natin ay nauugnay sa ikasiyam na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo—hindi nila iniisip kailanman ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipinagpapalit pa ang mga interes na iyon para sa kanilang personal na kaluwalhatian? (Oo.) Para maprotektahan ang kanilang sarili, para maiwasan ang panganib at pisikal na pagdurusa, umaangkin ang mga anticristo ng pabasta-bastang saloobin tungo sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa kanilang sariling mga tungkulin. Humahawak sila ng mga posisyon nang hindi talaga gumagawa ng aktuwal na gawain. Hindi ba’t pagkakanulo ito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t ito ay pagbabalewala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, sa gawain ng Diyos, at sa kanilang sariling mga responsabilidad, kapalit ng personal na seguridad? (Oo.) Ang mga pagpapamalas na hinimay-himay natin sa subseksiyong ito ay lubusang naglalantad sa makasarili at kasuklam-suklam na diwa ng mga anticristo. Ano ang pangunahing napagbahaginan natin tungkol dito? Ang mga anticristo, dahil sa takot na magkaproblema at para maingatan ang kanilang sarili, ay hindi tumutupad sa kanilang mga tungkulin, at hindi nagpapakita ng anumang katapatan sa Diyos. Mayroon bang anumang katotohanang realidad sa pagpapamalas na ito? Hindi ba’t ito ay kawalan ng konsensiya at katwiran? Ito ay isang ganap na kawalan ng pagkatao!
B. Ang Sarili Nilang Reputasyon at Katayuan
Ipagpatuloy natin ang ikalawang subseksiyon ng pagbabahaginan, ang sariling reputasyon at katayuan ng mga anticristo. Nakapaloob din dito ang mga interes ng mga anticristo. Ngayon, ang tatlong subseksiyong ito na tatalakayin natin: ang sariling seguridad ng mga anticristo, ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, at ang kanilang mga pakinabang—lahat ng ito ay may kaugnayan sa mga sariling interes ng mga anticristo. Mayroon ba itong anumang kaugnayan sa gawain ng sambahayan ng Diyos? (Oo, mayroon.) Ano ang kaugnayan nito? (Maaaring guguluhin at sisirain ng mga anticristo ang gawain ng iglesia para lang maingatan ang kanilang sarili at mapangalagaan ang kanilang reputasyon at katayuan.) Pinipinsala ng mga anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang gawain ng iglesia upang mapangalagaan ang kanilang sariling mga interes. Kung titingnan ang makasarili at kasuklam-suklam na kalikasan ng mga anticristo, ano ang pinahahalagahan ng ganitong uri ng tao, bukod pa sa labis na pagpoprotekta sa kanilang sariling seguridad? (Gustong-gusto nila ng reputasyon at katayuan.) Tama iyan. Gustong-gusto ng mga anticristo ng reputasyon at katayuan. Ang reputasyon at katayuan ang dugong nagbibigay-buhay sa kanila; pakiramdam nila ay walang kabuluhan ang buhay kung walang reputasyon at katayuan, at wala silang lakas na gumawa ng anumang bagay kung walang reputasyon at katayuan. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay mahigpit na nakatali sa kanilang mga pansariling interes; ang mga ito ang kanilang matinding kahinaan. Kaya naman lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay umiikot sa katayuan at reputasyon. Kung hindi dahil sa mga bagay na ito, baka hindi man lang sila gumawa ng anumang gawain. May katayuan man ang mga anticristo o wala, ang layong ipinaglalaban nila, ang direksiyon na kanilang pinagsusumikapan ay patungo sa dalawang bagay na ito—reputasyon at katayuan. Kapag nananampalataya sila sa Diyos sa isang awtokratikong kapaligiran tulad ng mainland China, hindi isinasaalang-alang ng mga anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, para lang matiyak ang kanilang sariling seguridad. Parte ng kanilang ginagawa ay ang puspusang paghahangad sa katayuan, mahigpit na pagkapit sa kapangyarihan, at pagkokontrol sa iglesia. Ang isa pang parte ay palagi silang nagsasalita, gumagawa, naglilibot, at nagpapakapagod alang-alang sa kanilang sariling reputasyon at katayuan. Ito ang sentro kung saan umiikot ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng mga anticristo. Hindi sila kailanman gumagawa ng anumang aktuwal na gawain para sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos, at hindi sila kailanman gumagawa ng anumang aktuwal na gawain sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Kapag nagbabayad sila ng halaga, tingnan ninyo kung bakit sila nagbabayad ng halaga. Kapag masigasig silang nagdedebate tungkol sa isang isyu, tingnan kung bakit sila nagdedebate tungkol dito. Kapag pinag-uusapan o kinokondena nila ang isang tao, tingnan kung ano ang intensiyon at layon nila. Kapag masama ang loob nila o nagagalit sila tungkol sa isang bagay, tingnan kung anong disposisyon ang ipinapakita nila. Hindi nakikita ng mga tao ang nasa loob ng puso ng tao, pero nakikita ito ng Diyos. Kapag tinitingnan ng Diyos ang nasa loob ng puso ng mga tao, ano ang ginagamit Niya para sukatin ang diwa ng mga sinasabi at ginagawa ng mga tao? Ginagamit Niya ang katotohanan para sukatin ito. Sa mga mata ng tao, ang pagpoprotekta sa sariling reputasyon at katayuan ay nararapat. Kung gayon, bakit ito binabansagan sa mga mata ng Diyos bilang ang pagpapakita at pagpapahayag ng mga anticristo, at bilang ang diwa ng mga anticristo? Nakabatay ito sa kasigasigan at motibasyon ng mga anticristo sa lahat ng kanilang ginagawa. Sinisiyasat ng Diyos ang kanilang kasigasigan at motibasyon sa kanilang mga ginagawa, at sa huli, natutukoy ng Diyos na ang lahat ng kanilang ginagawa ay para sa kanilang sariling reputasyon at katayuan, sa halip na para sa paggawa ng kanilang tungkulin, at lalong hindi para sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos.
Hinahangad ng mga anticristo ang reputasyon at katayuan, kaya tiyak na nagsasalita at gumagawa rin sila para maitaguyod ang kanilang reputasyon at katayuan. Pinahahalagahan nila ang kanilang reputasyon at katayuan nang higit sa lahat. Kung may isang tao sa paligid nila na may mahusay na kakayahan at naghahangad sa katotohanan, at nakakamit ng taong ito ang kaunting katanyagan sa mga kapatid at napipiling maging lider ng isang grupo, at talagang hinahangaan at sinasang-ayunan ng mga kapatid ang taong ito, ano ang magiging reaksiyon ng mga anticristo? Tiyak na hindi sila matutuwa rito, at maiinggit sila. Kung nagkikimkim ng inggit ang mga anticristo, sabihin mo sa Akin, kaya ba nilang manahimik lang? Hindi ba’t kailangan nilang may gawin tungkol dito? (Oo.) Ano ang gagawin nila kung talagang naiinggit sila sa taong ito? Sa isip nila, tiyak na gagawa sila ng ganitong pagkakalkula: “Mahusay ang kakayahan ng taong ito, mayroon siyang kaunting pagkaunawa sa propesyong ito, at mas malakas siya kaysa sa akin. Kapaki-pakinabang ito para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, ngunit hindi para sa akin! Aagawin ba nila ang posisyon ko? Kung talagang papalitan nila ako balang araw, hindi ba’t magiging problema iyon? Dapat akong kumilos nang maagap. Kung kaya nilang tumayo sa kanilang sariling mga paa balang araw, hindi na magiging madali para sa akin na alisin sila. Mas mabuting ako ang unang umaksiyon. Kung magpapaliban ako at hahayaan silang ilantad ako, sino ang nakakaalam kung ano ang magiging mga kahihinatnan. Kaya, paano ako makakagawa ng aksyon? Kailangan kong makahanap ng dahilan, makahanap ng pagkakataon.” Sabihin ninyo sa Akin, kung nais ng mga tao na parusahan ang isang tao, hindi ba’t madali para sa kanila na makahanap ng dahilan at pagkakataon na gawin ito? Ano ang isa sa mga taktika ng diyablo? (“Ang pagpupursige sa kasamaan ay magdudulot ng pagkawasak sa sarili.”) Mismo, “Ang pagpupursige sa kasamaan ay magdudulot ng pagkawasak sa sarili.” Sa mundo ni Satanas, umiiral ang ganitong uri ng lohika, at nangyayari ang ganitong bagay. Hindi ito umiiral sa Diyos sa anumang paraan. Ang mga anticristo ay kay Satanas at sila ang pinakamahusay sa paggawa ng mga bagay na ito. Pag-iisipan nila ito: “Ang pagpupursige sa kasamaan ay magdudulot ng pagkawasak sa sarili. Paparatangan kita, maghahanap ng pagkakataon na parusahan ka, susupilin ang iyong kayabangan at pagmamalaki, at pipigilan ang mga kapatid sa pagpapahalaga sa iyo at pagpili sa iyo bilang lider ng grupo sa susunod na pagkakataon. Pagkatapos, hindi ka na magiging isang banta sa akin, hindi ba? Kung maaalis ko ang potensiyal na problemang ito at ang karibal na ito, hindi ba’t mapapanatag na ako?” Kung ganito ang kanilang iniisip, kaya ba nilang kumalma sa panlabas? Batay sa kalikasan ng mga anticristo, kaya ba nilang panatilihing nakabaon ang ideyang ito sa loob nila at hindi kumilos? Talagang hindi. Tiyak na maghahanap sila ng paraan para kumilos. Ito ang kalupitan ng mga anticristo. Bukod sa ganoon sila mag-isip, gusto rin nilang makamit ang layuning ito. Kaya, pag-iisipan nila nang husto ang usaping ito, desperadong pinipiga ang kanilang utak. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ni ang gawain ng iglesia. Lalong wala silang pakialam kung ang kanilang mga aksyon ay naaayon ba sa layunin ng Diyos. Ang iniisip lang nila ay kung paano mapananatili ang kanilang reputasyon at katayuan, kung paano mapapangalagaan ang kanilang kapangyarihan. Iniisip nila na ang kanilang karibal ay nagdulot na ng banta sa kanilang katayuan, kaya sinusubukan nilang maghanap ng pagkakataon para pabagsakin ito. Kapag nalaman nila na pinalitan ng kanilang karibal nang di kumokunsulta sa kanila ang isang taong palaging pabasta-bastang gumagawa sa tungkulin, ituturing nila ito bilang perpektong pagkakataon na magsampa ng paratang laban sa kanilang karibal. Sa harap ng mga kapatid, sasabihin nila, “Dahil narito ang lahat ngayon, ihain natin ang usaping ito para mahimay-himay. Hindi ba’t isang uri ng diktadurya ang pagpapalit sa isang tao nang walang pahintulot, nang hindi ito tinatalakay sa iyong mga katrabaho o katuwang? Bakit gagawa ng gayong pagkakamali ang isang tao? Hindi ba’t may problema sa kanyang disposisyon? Hindi ba’t dapat siyang pungusan? Hindi ba’t dapat siyang talikuran ng mga kapatid?” Sinasamantala nila ang isyung ito at pinalalaki ito para siraan ang kanilang karibal at itaas ang kanilang sarili. Ang totoo, hindi naman ganoon kalubha ang sitwasyon. Katanggap-tanggap lang naman na mag-ulat pagkatapos palitan o ayusin ang tungkulin ng isang miyembro ng grupo basta’t naaayon ito sa mga prinsipyo. Gayunpaman, pinalalaki ng mga anticristo ang isyung ito. Sadya nilang inaatake ang kanilang karibal at itinataas ang kanilang sarili. Hindi ba’t ito ay isang pagpapamalas ng pagpaparusa sa iba? Malupit nilang pinupungusan ang kanilang karibal, at pinalalaki ang kanilang mga paratang laban dito. Matapos marinig ang tungkol dito, iniisip ng mga kapatid, “Ano ang nangyayari dito? Parang may mali. Hindi umaayon sa realidad ang sinasabi nila! Ang taong may tungkulin na inayos ay hindi naman responsableng gumagawa nito—iyon ay isang kinilalang katunayan. Pinalitan siya para maitaguyod ang gawain ng iglesia. Ang paggawa ng tungkulin sa ganitong paraan ay isang seryoso at responsableng pamamaraan, at isang pagpapamalas ng katapatan. Kaya bakit ito tinatawag na diktadura? Malinaw na isa itong kaso ng ‘Ang pagpupursige sa kasamaan ay magdudulot ng pagkawasak sa sarili!’” Ang sinumang may kaunting pagkaunawa sa katotohanan at kaunting pagkilatis ay agad na makakakilala na ang mga anticristong ito ay gumagamit lang ng kanilang kapangyarihan at ibinubunton nila ang kanilang mga pagkadismaya sa kanilang karibal. Paanong matatawag ito na pag-ako ng responsabilidad sa kanilang gawain? Paanong pagpupungos ito sa tao? Pinalalaki ng mga anticristo ang isang bagay na wala namang kabuluhan: Ito ay simpleng pagganti at personal na paghihiganti. Nagmumula ito sa kalooban ng tao at kay Satanas, hindi ito galing sa Diyos. Tiyak na hindi ito nagmumula sa isang saloobin ng pagiging responsable para sa gawain at para sa kanilang mga tungkulin—hindi iyon ang kanilang layunin. Masyadong malinaw na inilalantad ng mga anticristo ang kanilang mga layunin, at nakikita ito ng ilan. Nararamdaman ba iyon ng mga anticristo? (Oo.) Iyon ang katusuhan ng mga anticristo. Sila ang pinakamahusay sa pangangalaga ng kanilang katayuan, sa nakalilinlang na argumento, sa pagkuha ng loob ng mga tao, at lalo na sa pagkakaroon ng “kabatiran” sa puso ng mga tao. Iniisip nila na, “Nakikilatis ko ang bawat saloobin sa puso ninyo. Marahil nauunawaan ninyo ang katotohanan, ngunit hindi ninyo ako makikilatis. Nakikilatis ko kayo. Kilala ko kung sino ang hindi kumbinsido sa mga sinasabi ko.” Pero sinasabi ba nila ito? Hindi, hindi nila sinasabi. Ginagamit nila ang ilang nakakalugod na salita at ekspresyon para kumbinsihin ang lahat, para isipin ng mga ito na makatwiran sila sa pagpupungos sa taong iyon. Anong mga salita ang ginagamit nila? Sinasabi nila, “Hindi kita pinungusan dahil sa makasarili at personal na motibo. Sa katunayan, walang personal na sama ng loob sa pagitan natin. Kaya lang, nang basta-basta mong inalis ang taong iyon mula sa kanyang tungkulin, napinsala nito ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Puwede ba akong magbulag-bulagan sa bagay na iyon? Kung pinahintulutan kitang gawin iyon, pagiging iresponsable iyon sa parte ko. Hindi ko ito ginagawa para puntiryahin ka o ang sinumang partikular. Kung mali ako, puwede akong batikusin at sawayin ng mga kapatid. Hindi na ako tatakbo sa susunod na halalan.” Kapag naririnig ito ng ibang tao, naguguluhan sila. Iniisip nila, “Mukhang nagkamali ako ng pagkaunawa sa kanila. Payag pa nga silang hindi tumakbo sa halalan. Hindi nila pinungusan ang taong iyon para makipagkumpetensiya para sa katayuan; nakabatay ang kanilang kilos sa saloobin ng pag-ako ng responsabilidad para sa gawain ng iglesia. Walang mali rito.” Nagawa na namang ilihis ng mga anticristong ito ang ilang tao. Hindi ba’t tuso ang mga anticristo? (Oo, tuso sila.) Napakatuso nila! Masasabing pinipiga ng mga anticristo ang kanilang utak, sinasaliksik ang kaibuturan ng kanilang isipan, at ginagamit ang anumang pamamaraan na kinakailangan para sa kanilang reputasyon at katayuan. May isang partikular na kasabihan: “Pagmalupitan sila bago maging mabait sa kanila.” Hindi ba’t gagamitin ng mga anticristo ang taktikang ito? Pagkatapos ka nilang atakihin, maaaring magsasabi sila ng mga nakalulugod na salita para kumbinsihin ka, himukin ka, at iparamdam sa iyo na sila ay napakamapagparaya, mapagpasensya, at mapagmahal. Sa huli, kailangan mo silang sang-ayunan at sabihing, “Tingnan ninyo, napakalinaw ng mga layunin ng taong ito sa gawain niya, at napakagaling niya rito—napakahusay na kasanayan! Malinaw na may taglay siyang mga katangian ng isang lider, at kumpara sa kanila ay pakiramdam nating lahat na wala tayong kakayahan.” Hindi ba’t naabot na ng mga anticristo ang kanilang layon kung gayon? Ito ang mga panlalansi ng mga anticristo.
Ang mga anticristo ay talagang taksil at tuso. Lahat ng sabihin niya ay pinag-isipang mabuti; wala nang mas huhusay pa sa kanya sa pagkukunwari. Ngunit sa sandaling lumabas na ang totoo, sa sandaling makita na ng mga tao kung ano talaga sila, ginagawa nila ang lahat para ipagtanggol ang kanilang sarili, at nag-iisip sila ng mga paraan para ayusin ang sitwasyon at magpanggap bilang isang paraan para maisalba ang kanilang imahe at reputasyon. Ang mga anticristo ay namumuhay bawat araw para lamang sa reputasyon at katayuan, namumuhay lamang sila para magpakasasa sa mga pakinabang ng katayuan, ito lamang ang iniisip nila. Kahit kapag dumaranas nga sila ng kaunting paghihirap paminsan-minsan o nagbabayad ng kaunting halaga, para ito sa pagtatamo ng katayuan at reputasyon. Ang paghahangad ng katayuan, paghawak ng kapangyarihan, at pagkakaroon ng maginhawang buhay ang mga pangunahing bagay na laging binabalak na matamo ng mga anticristo sa sandaling manalig sila sa Diyos, at hindi sila sumusuko hanggang sa makamtan nila ang kanilang mga mithiin. Kung sakaling nalantad ang kanilang masasamang gawa, natataranta sila, na para bang pagsusukluban sila ng langit. Hindi sila makakain o makatulog, at para silang wala sa ulirat, para silang dumaranas ng depresyon. Kapag tinatanong sila ng mga tao kung ano ang problema, nagsisinungaling sila at sinasabing, “Abalang-abala ako kahapon kaya hindi ako nakatulog buong magdamag, pagod na pagod ako.” Ngunit hindi talaga totoo ang lahat ng ito, lahat ito ay panlilinlang. Ganito ang pakiramdam nila dahil palagi nilang iniisip, “Nalantad na ang masasamang bagay na ginawa ko, kaya paano ko maipanunumbalik ang reputasyon at katayuan ko? Anong mga pamamaraan ang maaari kong gamitin para tubusin ang sarili ko? Anong tono ang maaari kong gamitin sa lahat para ipaliwanag ito? Ano ang maaari kong sabihin para hindi ako mahalata ng mga tao?” Sa loob ng matagal na panahon, hindi nila maisip kung ano ang gagawin, kung kaya’t nalulumbay sila. Kung minsan ay nakatitig sila sa iisang lugar nang wala namang nakikita, at walang nakakaalam kung ano ang tinitingnan nila. Dahil sa isyu ay nag-iisip sila nang husto, napapagod sa kakaisip, at ayaw nilang kumain o uminom. Sa kabila nito, nagkukunwari pa rin sila na nagmamalasakit sa gawain ng iglesia, at nagtatanong sa mga tao, “Kumusta na ang gawain ng ebanghelyo? Gaano kabisa ang pangangaral nito? Nagkamit na ba ng anumang pagpasok sa buhay ang mga kapatid kamakailan? Mayroon bang nanggagambala at nanggugulo?” Ang mga tanong nilang ito tungkol sa gawain ng iglesia ay para magpakitang-tao sa iba. Kung malaman man nila ang mga problema, wala silang paraan para lutasin ang mga iyon, kaya ang kanilang mga tanong ay pormalidad lamang na malamang na ituring ng iba na pagmamalasakit sa gawain ng iglesia. Kung sakaling may mag-ulat ng mga problema ng iglesia para lutasin nila, mapapailing lang sila. Walang pakana na makakatulong sa kanila, at kahit na gustuhin nilang magpanggap, hindi nila magagawa, at mamimiligro silang malantad at mabunyag. Ito ang pinakamalaking problemang kinakaharap ng mga anticristo sa buong buhay nila. Sa sandaling ito, ang mga anticristo ay parang isang langgam sa mainit na kawali, paminsan-minsang napapailing na parang nagsasabing, “Hindi na ito pwedeng magpatuloy.” Pagkatapos, tinatapik nila ang kanilang ulo gamit ang kanilang mga kamay, na para bang iniisip na, “Bakit napakahangal ko? Paanong nagkamali ako sa bagay na ito?” Hindi matanggap ng mga anticristo ang katunayang ito at napapabuntong-hininga na lang sila. Sila ay nagpapagal, nagdurusa, at nagbabayad ng halaga para lang sa kanilang sariling reputasyon at katayuan, nagpapakasasa sa iba’t ibang masasamang gawa para matugunan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais. Hindi maiiwasan ang mailantad ng mga hinirang ng Diyos. Ang mga tao ay nakatakdang bumagsak balang araw dahil sa hindi paghahangad sa katotohanan. Ang kasabihang ito ay perpektong natutupad sa mga anticristo. Bagamat bihasa sa pagpapanggap at marunong magsalita nang nakahihikayat at manlihis ng iba, kung nauunawaan ng mga hinirang ng Diyos ang katotohanan at kaya nilang kilatisin ang diwa ng isang tao, kung gayon, gaano man kalalim magtago o gaano man karami ang kasamaang ginagawa ng mga anticristo, ganap silang makikilatis ng mga hinirang ng Diyos. May ilang kasabihan: “Ang pagpupursige sa kasamaan ay magdudulot ng pagkawasak sa sarili,” at “Ang paglalaro ng apoy ay nakakapaso.” Ito ay mga obhetibong batas na namamahala sa pag-unlad ng mga bagay-bagay, na itinatag ng Diyos para sa pag-unlad ng lahat ng bagay at pangyayari. Walang sinuman ang makakatakas sa mga ito. Bagamat nagpapatuloy ang gawain ng iglesia sa ilalim ng pamumuno ng mga anticristo, lubhang nababawasan ang pagiging epektibo nito. Ang ilang mahahalagang gawain ay kontrolado pa rin ng masasamang indibidwal, at hindi pa naisasakatuparan ang mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos. Bagamat bawat isa sa mga hinirang ng Diyos ay gumagampan sa kanilang tungkulin, walang tunay na resulta, at ang iba’t ibang gampanin ay matagal nang natigil. Ano ang ugat ng mga problemang ito? Ito’y dahil nakontrol na ng mga anticristo ang iglesia. Saan man may hawak na kapangyarihan ang mga anticristo, gaano man kalawak ang kanilang impluwensiya, kahit na isang grupo lamang ito, maiimpluwensiyahan nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang pagpasok sa buhay ng ilan sa mga hinirang ng Diyos. Kung may hawak silang kapangyarihan sa isang iglesia, nahahadlangan doon ang gawain ng iglesia at ang kalooban ng Diyos. Bakit ba hindi maipatupad sa ilang iglesia ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Ito ay dahil hawak ng mga anticristo ang kapangyarihan sa mga iglesiang ito. Ang sinumang anticristo ay hindi taos-pusong gugugol para sa Diyos, ang pagganap ng kanilang mga tungkulin ay magiging pormalidad lamang at paggawa nang wala sa loob. Hindi sila gagawa ng tunay na gawain kahit sila ay lider o manggagawa, at magsasalita at kikilos lamang sila alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, nang hindi man lang pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Kaya, ano ang ginagawa ng mga anticristo sa buong maghapon? Abala sila sa pagkukunwari at pagpapasikat. Ginagawa lamang nila ang mga bagay na may kinalaman sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Abala sila sa panlilihis sa iba, sa pangungumbinsi sa mga tao, at kapag nakaipon na sila ng lakas, magpapatuloy silang kontrolin ang mas maraming iglesia. Ang nais lamang nila ay maghari at gawing nagsasariling kaharian nila ang iglesia. Nais lamang nilang maging dakilang lider, magkaroon ng ganap at solong awtoridad, upang makontrol ang mas maraming iglesia. Wala silang pakialam kahit kaunti sa anumang iba pang bagay. Wala silang pakialam sa gawain ng iglesia, o sa pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, lalo nang wala silang pakialam kung naisasagawa ba ang kalooban ng Diyos. Ang tanging inaalala nila ay kung kailan nila mag-isang mahahawakan ang kapangyarihan, makokontrol ang mga taong hinirang ng Diyos, at makakapantay ang Diyos. Napakalaki talaga ng mga hangarin at ambisyon ng mga anticristo! Gaano man kasipag tingnan ang mga anticristo, abala lamang sila sa sarili nilang mga hangarin, sa paggawa ng gusto nilang gawin, at sa mga bagay na nauugnay sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ni hindi nila iniisip ang kanilang mga responsabilidad o ang tungkulin na dapat nilang ginagampanan, at wala talaga silang ginagawang tama. Ganito ang mga anticristo—sila ay mga diyablo at Satanas, na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng Diyos.
Noon, may isang lider na pinagkatiwalaan Ko ng limang gampanin sa loob ng kanyang termino. Ngunit, pagkalipas ng dalawang buwan, walang naisakatuparan sa mga ito. Sa panlabas, parang hindi naman paupo-upo lang ang lider; abalang-abala siya at sobrang pagod, at halos hindi mo siya nakikita. Kaya, ano nga ba ang pinagkakaabalahan niya, at bakit hindi niya natupad ang mga gampaning iniatas Ko sa kanya? May problema rito. Hindi ginawa ng lider ang ilang gampanin dahil hindi niya gustong gawin ang mga ito, iniisip na hindi ito kabilang sa kanyang mga tungkulin. Ito ang isang problema. Bukod dito, mayroon siyang iba’t ibang opinyon tungkol sa ilang gampanin, sadya niyang isinasantabi ang mga ito. Mayroon ding mga gampanin na medyo mahirap, na nangangailangan ng tulong mula sa iba at medyo malaking abala, kaya ayaw itong asikasuhin ng lider. Ito ang mga sitwasyong lumitaw. Kaya, lumipas ang dalawang buwan at wala ni isang gampanin ang natapos. Sabi ng ilang tao, “Posible bang matapos ang lahat ng gampaning ito sa loob ng dalawang buwan?” Posible ito, maaaring matapos ang mga gampaning ito sa loob ng dalawang buwan, at karamihan sa mga gampaning ito ay pwedeng tapusin sa loob ng isa o dalawang araw, ngunit nabigo ang lider na isakatuparan ang mga ito. Nang may ibang taong pumalit at gumawa sa mga gampaning ito, lahat ng lima ay natapos sa loob lang ng isang linggo. Sa tingin ba ninyo ay dapat palitan ang ganitong lider? (Oo.) Kung makakatagpo kayo ng isang taong tulad nito na hindi tumutupad sa anumang gampaning itinatalaga mula sa Itaas, pero sa panlabas ay abalang-abala siya tingnan, kung gayon, isa siyang huwad na lider. Ang mga ganitong indibidwal ay dapat palitan o palayasin kaagad. Ano ang tingin ninyo sa prinsipyong ito? (Mabuti ito.) Huwag tingnan ang kanilang panlabas na sigasig at ang katunayang mukha silang abalang-abala buong araw. Ang totoo, wala silang ginagawang aktuwal na gawain; pinapanatili nilang abala ang kanilang sarili sa mga walang kabuluhang bagay. Ano ang ginagawa nila? Nabibilang sa iba’t ibang kategorya ang kanilang mga kilos. Una, umaako sila ng mga gampaning pinaniniwalaan nilang kaya nilang asikasuhin, iyong mga gampanin na ligtas at hindi masyadong mapanganib. Ano ang ibig Kong sabihin sa “hindi masyadong mapanganib”? Ang ibig Kong sabihin, sa paggawa ng mga gampaning ito, madaling maiwasan na magkamali, hindi nila kailangang makipag-ugnayan sa Itaas, at maiiwasan nilang magkamali sa paggawa ng mga bagay-bagay at mapungusan. Bukod pa rito, inaasikaso nila ang mga gampanin kung saan sila bihasa, kung saan mas mababa ang tsansang magkamali sila. Sa ganitong paraan, maiiwasan nilang managot at lubos nilang mapoprotektahan ang kanilang sarili mula sa pagpupungos, pagpapaalis, o pagpapatalsik. Ang mga gampaning ito ay walang panganib at walang responsabilidad, kaya’t kaya nilang tugunan at asikasuhin ang mga ito. Ang totoo, may nakatagong elemento rito. Gagawin ba nila ang mga gampaning ito kung magagawa nila ang mga ito nang walang sinumang nakakakita sa kanila? Kung walang personal na pakinabang para sa kanila, gagawin ba nila ang mga ito? Siguradong hindi. Anong klaseng mga gampanin ang gusto nila? Mas gusto nila ang mga gampaning medyo madali, simple, at pwedeng matapos nang hindi sila masyadong nagdurusa. Dagdag pa rito, handa silang makinig at isaulo ang mas marami pang sermon na interesado sila at naaayon sa kanilang mga kuru-kuro. Kapag naintindihan na nila ang mga ito, maaari nilang talakayin ang mga sermon na ito sa iba, ginagawa nila ito para ipresenta ang kanilang sarili at makakuha ng paghanga mula sa iba. Bukod pa rito, kung ang paggawa sa mga gampaning ito ay magbibigay sa kanila ng pagkakataong makipag-ugnayan sa mas maraming tao at ipaalam sa iba na abala silang gumagawa, na sila ay nasa isang posisyon ng pamumuno, at may ganitong katayuan at pagkakakilanlan, gagawin nila ang mga ito. Ganito ang kalikasan ng mga gampaning pinipili nila. Gayunpaman, kung kumplikado ang gawaing kailangan nilang gampanan at lagpas sa kanilang mga kakayahan, at kung may isang taong mas mahusay sa kanila, at nanganganib silang mapahiya kung mabibigo sila, na maliitin sila ng iba, kung gayon ay ayaw nilang gawin ang mga ganitong gampanin. Takot sila sa mahihirap na gawain, sa pagkapagal, at sa kahihiyan ng hindi paggampan nang maayos. Higit pa rito, talagang tamad sila at may ugali silang umiiwas sa mabibigat at matatrabahong gampanin, tinatago ang kanilang sarili malayo sa mga ito. Sa halip, mas gusto nilang gawin ang mga gampaning nagpapaganda sa kanilang imahe, mga gampaning madali, kung saan pwede lang nilang iraos ito at makuha nila ang loob ng mga tao, nang hindi sila nakikilatis ng Itaas. Lahat ng ito ay likas na katangian ng mga anticristo. Pagdating sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, namimili sila at nagpapasya. Mayroon silang mga personal na pasya, plano, at mga pakana pa nga. Hindi sila basta sumusunod sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos; sa halip, gumagawa sila ng sarili nilang mga pasya. Tungkol sa mga partikular na pagsasaayos mula sa Itaas, kung hindi sila sang-ayon sa mga ito, tiyak na hindi nila ito ipatutupad. Lubusan nilang hinaharang ang mga bagay na ito, at walang alam ang mga kapatid sa iglesia tungkol sa mga ito. Kung ang pagpapatupad sa mga pagsasaayos mula sa Itaas ay kokontra sa ilang partikular na indibidwal o makakasama ng loob sa mga tao, ipapatupad ba nila ang mga ito? Hindi nila gagawin iyon. Sa kanilang puso, iniisip nila, “Kung gusto ng Itaas na magawa ito, hindi ko ito gagawin. Kahit na gagawin ko ito, kailangan kong gawin ito sa pangalan ng Itaas, sasabihin ko na iniutos ito mula sa kanila. Hindi ko kayang saktan ang loob ng mga taong iyon.” Tuso talaga ang mga anticristo, hindi ba? Sa anumang ginagawa nila, nagsasabwatan sila at kinakalkula ito nang walo o sampung beses, o baka higit pa. Punung-puno ang kanilang isip ng mga saloobing tungkol sa kung paano sila magkakaroon ngmatatatag na posisyon sa karamihan, kung paano magkakaroon ng magagandang reputasyon at higit na katanyagan, kung paano magpapalakas sa Itaas, kung paano nila mahihikayat ang mga kapatid na suportahan, mahalin at irespeto sila, at ginagawa nila ang lahat para makuha ang mga resultang ito. Anong landas ang tinatahak nila? Para sa kanila, ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang mga interes ng iglesia, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay hindi ang pangunahing isinasaalang-alang nila, lalong hindi ito mga bagay na iniintindi nila. Ano ang iniisip nila? “Walang kinalaman sa akin ang mga bagay na ito. Ang bawat tao ay para sa kanyang sarili, at bahala na ang iba; kailangang mabuhay ang mga tao para sa kanilang sarili at para sa sarili nilang reputasyon at katayuan. Iyon ang pinakamataas na mithiin. Kung hindi alam ng isang tao na kailangan niyang mabuhay para sa kanyang sarili at protektahan ang kanyang sarili, hangal siya. Kung hihilingan akong magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo at magpasakop sa Diyos at sa mga pagsasaayos ng Kanyang sambahayan, dedepende ito sa kung may anumang pakinabang ba ito para sa akin o wala, at kung may anumang mga kalamangan ba kung gagawin ko ito. Kung ang hindi pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos ay posibleng maging dahilan para alisin ako at mawalan ng oportunidad na magkamit ng mga pagpapala, kung gayon ay magpapasakop ako.” Kaya, para maprotektahan ang sarili nilang reputasyon at katayuan, kadalasan ay pinipili ng mga anticristo na makipagkompromiso. Masasabi mo na alang-alang sa katayuan, magagawa ng mga anticristo na magtiis ng anumang uri ng pagdurusa, at alang-alang sa pagkakaroon ng magandang reputasyon, makakaya nilang magbayad ng anumang uri ng halaga. Ang kasabihang, “Alam ng isang mahusay na tao kung kailan susuko at kung kailan hindi,” ay totoong-totoo sa kanila. Ganito ang lohika ni Satanas, hindi ba? Ito ang pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo, at ito rin ang prinsipyo ni Satanas para manatiling buhay. Ito ay talagang karima-rimarim!
Itinuturing ng mga anticristo na mas mahalaga ang sarili nilang katayuan at reputasyon kaysa sa anupamang bagay. Ang mga taong ito ay hindi lamang mapanlinlang, tuso, at buktot, kundi lubos ding malulupit. Ano ang ginagawa nila kapag napag-alaman nilang nasa panganib ang kanilang katayuan, o kapag nawawala ang puwang nila sa puso ng mga tao, kapag nawala ang pagtangkilik at pagmamahal ng mga taong ito, kapag hindi na sila iginagalang at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng mga tao, at nahulog na sila sa kahiya-hiyang kalagayan? Bigla na lang silang nagbabago. Sa sandaling mawala sa kanila ang kanilang katayuan, ayaw na nilang gampanan ang anumang tungkulin, nagiging pabasta-basta na lang sila sa lahat ng kanilang ginagawa, at wala silang interes na gumawa ng kahit ano. Subalit hindi ito ang pinakamalalang pagpapamalas. Ano ang pinakamalalang pagpapamalas? Sa sandaling mawalan ng katayuan ang mga taong ito, at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng sinuman, at wala na silang nalilihis, lumalabas ang poot, inggit, at paghihiganti. Bukod sa wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, wala rin silang ni katiting na pagpapasakop. Bukod pa rito, sa kanilang mga puso, malamang na kapootan nila ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga lider at manggagawa; pinakaaasam-asam nilang magkaproblema at mahinto ang gawain ng iglesia; gusto nilang pagtawanan ang iglesia, at ang mga kapatid. Kinapopootan din nila ang sinumang naghahangad ng katotohanan at natatakot sa Diyos. Binabatikos at kinukutya nila ang sinumang tapat sa kanyang tungkulin at handang magsakripisyo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo—at hindi ba’t malupit ito? Malinaw na masasamang tao sila; ang mga anticristo sa diwa nila ay masasamang tao. Kahit kapag ginaganap ang mga pagtitipon online, kung nakikita nila na maganda ang signal, tahimik silang napapamura at sinasabi sa kanilang sarili: “Sana humina ang signal! Sana humina ang signal! Mas maigi kung walang makarinig sa mga sermon!” Ano ang mga taong ito? (Mga diyablo.) Mga diyablo sila! Talagang hindi sila mga tao ng sambahayan ng Diyos. Ang mga ganitong uri ng diyablo at masasamang tao ay sadyang nagsasanhi ng gulo sa ganitong paraan, kahit saang iglesia man sila naroroon. Kahit inilalantad at nililimitahan sila ng mga taong marunong kumilatis, hindi sila magninilay-nilay sa kanilang sarili o aamin sa kanilang mga pagkakamali. Iisipin nila na ito ay pansamantalang pagkakamali lamang sa kanilang parte at na dapat silang matuto mula rito. Ang taong tulad nito, na talagang tumatangging magsisi, ay hindi magpapasakop kahit sino pa ang kumikilatis at naglalantad sa kanila. Hahanap sila ng paraan na makapaghiganti laban sa taong iyon. Kapag hindi maginhawa ang lagay nila, ayaw din nilang maging madali ang mga bagay-bagay para sa mga kapatid. Sa kanilang puso, lihim pa nga nilang isinusumpa ang mga kapatid, hinihiling nila na may masasamang bagay na mangyayari sa mga kapatid, at sinusumpa rin nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos, hinihiling na magkaroon dito ng gulo. Kapag nagkakaproblema ang sambahayan ng Diyos, lihim silang nagagalak at nagdiriwang, iniisip nila na, “Hmph! Sa wakas, nagkaproblema rin. Lahat ng ito ay nangyayari dahil pinalitan mo ako. Buti nga, nagkakagulo na ang lahat!” Natutuwa at nasisiyahan sila na makita ang iba na nanghihina at nagiging negatibo. Nagsasalita sila nang mapangutya at mapanghamak para siraan ang mga tao, at nagpapakalat pa nga sila ng mga salita ng pagkanegatibo at kamatayan, sinasabing, “Isinasakripisyo nating mga mananampalataya ang ating mga pamilya at propesyon para magawa ang ating mga tungkulin at magtiis ng paghihirap. Sa tingin mo ba ay kaya talagang akuin ng sambahayan ng Diyos ang responsabilidad para sa ating kinabukasan? Naisip mo na ba iyon? Sulit ba ang halagang ibinabayad natin? Hindi maganda ang kalusugan ko ngayon, at kung mapagod ako nang husto, sino ang mag-aalaga sa akin sa aking pagtanda?” Nagsasabi sila ng mga ganitong bagay para makaramdam ng pagkanegatibo ang lahat—saka lamang sila magiging masaya. Hindi ba’t masama ang kanilang balak, hindi ba’t sila ay masama at mapaminsala? Hindi ba’t dapat silang tumanggap ng ganti? (Oo, dapat.) Sa tingin ba ninyo ay talagang may Diyos sa puso ang mga ganitong tao? Hindi sila mukhang mga tunay na mananampalataya sa Diyos, sa panimula ay hindi sila naniniwalang sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Hindi ba’t sila ay mga walang pananampalataya? Kung tunay silang nananampalataya sa Diyos, paano nila nasasabi ang mga gayong bagay? Maaaring sinasabi ng ilan na ito ay dahil wala silang may-takot-sa-Diyos na puso—tama ba iyon? (Hindi, hindi ito tama.) Bakit hindi ito tama? (Sadyang walang Diyos sa puso nila; sila ay kumokontra sa Diyos.) Sa katunayan, may lakas ng loob silang sabihin ang mga bagay na iyon dahil hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos. Mas lalong hindi sila naniniwala na sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng tao, at hindi sila naniniwalang inoobserbahan ng Diyos ang kanilang bawat salita at gawa, bawat kaisipan at ideya. Hindi sila naniniwala sa mga bagay na ito, kaya hindi sila natatakot at malaya at walang pag-aalinlangang nagsasalita sila ng gayong mga maladiyablong salita. Kahit ang mga hindi mananampalataya ay madalas nagsasabing, “May mga mata ang Langit” at “Kapag kumikilos ang tao, nagmamasid ang Langit.” Kahit sinong may kaunting tunay na pananalig ay hindi basta-basta bibigkas ng ganitong mga maladiyablong salita ng mga walang pananampalataya. Hindi ba’t magkakaroon ng matitinding kahihinatnan para sa mga mananampalataya na nag-iisip at nagsasalita nang ganito? Hindi ba’t malubha ang kalikasan nito? Napakalubha nito! Na nagagawa nilang itatwa ang Diyos sa ganitong paraan ay nangangahulugan na sila ay mga tunay na diyablo, at masasamang nilalang na nakalusot sa sambahayan ng Diyos. Tanging ang mga diyablo at anticristo ang nangangahas na tahasang tumutol laban sa Diyos. Ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ay kumakatawan sa mga interes ng Diyos, at ang lahat ng ginagawa ng sambahayan ng Diyos ay nasa ilalim ng pamumuno, pahintulot, at patnubay ng Diyos; ito ay malapit na konektado sa gawain ng pamamahala ng Diyos at hindi maaaring mahiwalay rito. Ang mga taong hayagang sumusumpa sa gawain ng sambahayan ng Diyos sa ganitong paraan, na naninira dito sa kanilang puso, at nais na gawing katawa-tawa ang sambahayan ng Diyos, na nagnanais na makakitang naaresto lahat ang mga hinirang ng Diyos, na ganap na natigil ang gawain ng iglesia, at na tumatalikod sa kanilang pananalig ang mga mananampalataya, at na magiging masaya kapag nangyari ito—anong klaseng mga tao sila? (Mga diyablo.) Sila ay mga diyablo, sila ay masasamang demonyo na muling nagkatawang-tao! Ang mga ordinaryong tao ay may mga tiwaling disposisyon, sila ay paminsan-minsang naghihimagsik, at nag-iisip sila ng ilang maliliit na ideya kapag nagiging negatibo at mahina sila, iyon lang, pero hindi sila magiging ganoon kasama o magkakaroon ng gayong mga buktot at mapaminsalang kaisipan. Ang ganitong uri ng diwa ay makikita lang sa mga anticristo at diyablo. Kapag may ganitong mga ideya ang mga anticristo, naghihinala ba sila na baka nagkamali sila? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil itinuturing nila na katotohanan ang kanilang iniisip at sinasabi. Hindi sila nananampalataya sa Diyos, wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, at kalikasan na nila ang labanan ang Diyos.) Mismo, iyon ang kalikasan nila. Kailan ba itinuring ni Satanas ang Diyos bilang Diyos? Kailan ba ito naniwala na ang Diyos ang katotohanan? Hindi kailanman, at hinding-hindi ito mangyayari. Ang mga anticristo at diyablo ay ganoon din; hindi nila itinuturing ang Diyos bilang Diyos o pinaniniwalaan na Siya ang katotohanan. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang Siyang lumikha at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kaya iniisip nila na tama ang anumang sinasabi nila. Nag-iisip at kumikilos sila nang walang moralidad sa ganitong paraan; ito ang kanilang kalikasan. Kapag ganito rin ang ginagawa ng mga tiwaling tao, nakakaranas sila pagtatalo sa kanilang kalooban. Mayroon silang konsensiya at kamalayang pantao. Ang kanilang konsensiya, kamalayan, at ang mga katotohanang nauunawaan nila ay may epekto sa kanilang kalooban, at nagdudulot ito ng pagtatalo. Kapag lumilitaw ang pagtatalong ito, nagaganap ang isang labanan sa pagitan ng tama at mali at katarungan at kabuktutan, at nagkakaroon ng kalalabasan: Ang mga naghahangad sa katotohanan ay pumapanig sa Diyos, samantalang ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay pumapanig sa buktot na puwersa ni Satanas. Lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay pakikipagtulungan kay Satanas. Nagpapakalat sila ng pagkanegatibo, mga tsismis, at ginagawa nilang katawa-tawa ang sambahayan ng Diyos. Isinusumpa at sinisiraan nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos at isinusumpa ang mga kapatid. Magaan pa nga sa kanilang pakiramdam na gawin ang lahat ng ito, nang walang anumang pag-usig mula sa kanilang konsensiya, nang walang kahit kaunting pagsisisi, at naniniwala silang tama lahat ang mga kilos nila. Ganap nitong ibinubunyag ang satanikong kalikasan ng mga anticristo, at ibinubunyag ang kanilang mga pangit na mukha na lumalaban sa Diyos. Kaya, hindi isang pagmamalabis na sabihing ang mga anticristo ay tunay na mga diyablo at mga Satanas. Ang mga anticristo ay likas na mga diyablo at tiyak na hindi sila tatanggap ng pagliligtas ng Diyos. Sila ay tiyak na hindi parte ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan. Ang mga anticristo ay mga diyablong muling nagkatawang-tao, sila ay likas na masasamang demonyo. Ganoon iyon.
Ang pangunahing pokus ng mga anticristo ay nakatuon sa reputasyon at katayuan. Pagdating sa reputasyon at katayuan, ano ang mga aksiyong ginagawa ng mga anticristo? Walang moralidad silang kumikilos, pinipiga ang kanilang utak, pinapagod ang kanilang pag-iisip, at handa silang gumastos nang malaki para panatilihin ang kanilang reputasyon at katayuan. Ang dalawang bagay na ito ang dugong nagbibigay-buhay sa kanila, ang kanilang lahat-lahat. Naniniwala sila na ang pagtatamo ng dalawang bagay na ito ay nangangahulugang natamo na nila ang lahat. Sa kanilang mundo, mayroon lamang katayuan, reputasyon, at kanilang sariling mga interes; wala nang iba pang mahalaga sa kanila. Kaya, may silbi ba na magbahagi tungkol sa katotohanan, pagkatao, katarungan, o mga positibong bagay sa mga taong tulad ng mga anticristo? (Wala itong silbi.) Tama, wala itong silbi. Katulad ito ng pagtatangkang kausapin ang isang bayarang babae tungkol sa kung paano maging isang babaeng nasa isang malinis na bahay, o turuan siyang maging isang malinis na asawa at ina; ayaw niyang makinig, hindi niya ito gusto, at kasuklam-suklam ito para sa kanya. Gaano kasuklam-suklam? Pinagagalitan ka niya sa puso niya, at sinasamantala niya ang mga pagkakataon para tuyain ka, kutyain ka, maliitin ka, at ibukod ka. Sa panahon ngayon, sa iglesia, hindi ba’t may mga taong, sa sandaling mabalitaan nila na may isang taong nagbabahagi tungkol sa katotohanan, o tungkol sa mga katotohanan gaya ng pagpapasakop sa mga pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos o pagsunod sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, ay nagpapakita ng lubos na mapaghimagsik na saloobin? (Oo, mayroong mga gayong tao.) Tiyak na mayroon. Obserbahan at tukuyin ang mga taong nagpapakita ng ganoong pag-uugali. Kapag nagbabahagi ka tungkol sa pangangailangan na makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, tumutugon sila nang mayroong matinding pagkasuklam, iniisip nila na, “Buong araw nilang pinag-uusapan ang tungkol sa pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, na para bang isinaayos ng Diyos ang lahat, at walang anumang mapagpipilian ang mga tao!” Sa sandaling magbahagi ka tungkol sa katotohanan o sa pangangailangan na makipagtulungan nang maayos, hanapin mo ang kalooban ng Diyos, at kumilos ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo sa kanilang mga tungkulin, lalo lang nasusuklam ang mga taong ito at ayaw nilang makinig. Kahit na atubili silang makinig, hindi sila mapakali sa inuupuan, at kung sakaling magawa nilang pumirmi sa upuan, malamang ay nakatulog na sila. Kapag nagbabahagi ka tungkol sa katotohanan at tungkol sa pagsunod sa mga prinsipyo kapag pinangangasiwaan ang mga bagay-bagay, inaantok sila at naiidlip. Pagkaraan ng ilang oras na walang pagbabahaginan tungkol sa katotohanan at walang pagpupungos, nagiging masiglang-masigla sila. Kumikilos sila nang walang pakundangan at walang ingat, gumagawa ng mga sarilinang desisyon, at sa isang kamay, sinusunggaban nila ang reputasyon, habang sa kabila ay ang katayuan. Tumatalon sila nang mas mataas kaysa kaninuman at nagpapakasasa sa iba’t ibang kaguluhan. Ang mga taong ito ay anticristo lahat; nilalabanan nilang lahat ang Diyos at kaya nilang gumawa ng malaking kaguluhan anumang sandali.
Ang sinumang nagtataglay ng kalikasan ng mga anticristo ay dapat iklasipika bilang isang anticristo. Kapag nais nilang kumilos nang sarilinan, sila ay dapat mapigilan at mapahinto; hindi ito maikakaila. Maaaring sinasabi ng ilan na, “Paano kung hindi namin sila mapigilan? Ano ang dapat naming gawin?” Sasabihin Ko sa inyo ang isang siguradong paraan para mapigilan sila gamit lamang ang isang pangungusap. Kapag nakakatagpo ka ng ganoong sitwasyon, sabihin mo lang na, “Kung titigil ka sa pagkilos nang walang ingat, paggawa ng mga sarilinang desisyon, at pagiging siyang may huling salita, kaya mo bang mabuhay?” Ano ang tingin ninyo roon? (Mabuti.) Sa tingin ba ninyo ay talagang mamamatay ang isang anticristo kung siya ay pipigilan sa pagkilos nang sarilinan? (Oo.) Paano kayo umabot sa sagot na ito na “oo”? (Ang mga anticristo ay ganito sa pinakakaibuturan nila; kung hindi nila magawang kumilos nang sarilinan, nagiging miserable ang pakiramdam nila, at hindi nila makakayang patuloy na mabuhay.) Tama, ganito talaga sila sa kaibuturan nila, at kung hindi sila makakakilos sa ganitong paraan, nagiging miserable sila. Kung gayon, normal ba ang mga taong ito? (Hindi.) Hindi sila normal. Paano mag-isip ang isang normal na tao? “Kung hindi ako pwedeng kumilos nang sarilinan, hahayaan ko na lang; ano ba ang mahirap doon? Mas mapapadali pa nga ang buhay ko!” Ganyan mag-isip ang isang normal na tao. Pero ang isang anticristo ay magiging miserable kung hindi mo sila hahayaang kumilos sa ganitong paraan. Hindi ba’t may diyablong naninirahan sa loob nila? (Oo.) Kaya, ang hindi pagtulot sa kanila na kumilos nang sarilinan ay maaaring magparamdam sa kanila na para bang mamamatay na sila. Ano ang ibig sabihin ng “mamamatay” na ito? Ibig sabihin nito ay pinahihirapan at ginugulo sila ng diyablo sa loob ng puso nila, kaya’t pakiramdam nila ay hindi na nila kayang tiisin ito o magpatuloy sa buhay, na para bang nasa bingit na sila ng kamatayan; iyon ang ibig sabihin nito. Para sa mga anticristo, masasamang tao, at mga diyablong naghahangad na guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ang pagsasabi ng isang pangungusap na ito sa kanila ay mas epektibo kaysa sa pagtatalakay ng anumang katotohanan sa kanila. Ang isang pahayag na ito ay kapaki-pakinabang sa mga tao tulad ng mga anticristo, masasamang tao, at mga diyablo, na gumugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kapaki-pakinabang ba ang pagsasabi ng katotohanan sa mga taong ito? (Hindi, hindi ito kapaki-pakinabang.) “Kailangan mong makipagtulungan nang maayos, at gawin ang iyong tungkulin at pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo”—ang mga ganitong uri ng salita ay nasabi na sa loob ng maraming taon; mayroon bang sinumang hindi nakakaintindi o nakakaalala sa mga ito? Dapat wala. Kung gayon, bakit may ilang tao na nagsasarili pa rin sa pagkilos? Ito ay nangangahulugan lamang ng isang bagay: Hindi nila kontralado ang kanilang sarili; hindi sila mga normal na tao. Hindi sila kayang pamahalaan ng kanilang isipan at puso; mayroong iba pang nasa loob nila na namamahala sa kanila, marahas at sapilitang nagdidikta sa kanila na kumilos sa ganitong paraan, ang mismong panggugulo at paggagambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos, ang pamiminsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos at pagsanhi ng mga kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sino ang maaaring gumawa ng mga gayong bagay? Mga Satanas at diyablo lamang. Ang mga sumusunod sa Diyos, ang mga normal na tao, ang mga tunay na nilikha, ay hindi magkakaroon ng motibasyong gawin ang mga gayong bagay; tanging ang mga Satanas at diyablo ang mayroong motibo at sila lang ang sadyang gagawa ng mga ganitong bagay. Naalala ba ninyo ang pahayag na ito? (Oo.) Kung gayon, dito na natin tatapusin ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito. Paalam!
Pebrero 29, 2020