Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ibinebenta pa nga ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)
II. Ang Mga Interes ng mga Anticristo
B. Ang Sarili Nilang Reputasyon at Katayuan
Noong huli ay nagbahaginan tayo tungkol sa ikasiyam na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Gumawa tayo ng simpleng paglalagom niyon. Sa ilang subseksiyon natin hinati-hati ang mga interes ng mga anticristo para sa ating paghihimay-himay? (Tatlong subseksiyon. Ang una ay ang sariling seguridad ng mga anticristo, ang pangalawa ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, at ang pangatlo ay ang mga pakinabang.) Ang mga interes na nauugnay sa mga anticristo ay kinapapalooban ng tatlong subseksiyon na ito: ang kanilang sariling seguridad, katayuan, at mga pansarili nilang pakinabang—tama ba? (Oo.) Ang unang subseksiyon, ang kanilang sariling seguridad, ay medyo madaling maunawaan. Nauugnay ito sa mga mapanganib na kapaligiran na nakakaharap nila, at ito ay tumutukoy sa mga direktang interes ng mga anticristo: ang kanilang pansariling seguridad. Halos tapos na tayong magbahaginan tungkol sa subseksiyon na ito. Ang pangalawang subseksiyon ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Nagbahaginan tayo noong huli tungkol sa ilan sa mga pagpapamalas nito, ngunit iyon ay medyo malawak na mga termino. Sa palagay Ko lahat kayo ay mayroon lang konseptuwal na pagkaarok at kaalaman sa subseksiyon na ito. Kung hindi Ako magbibigay sa inyo ng ilang halimbawa, at ng ilang detalyado at kongkretong pagsusuri, maaaring magtaglay lamang kayo ng kaunting doktrinal at literal na pagkaunawa sa aspektong ito ng diwa at mga pagpapamalas ng mga anticristo, at maaaring hindi ninyo makikilala ang alinman sa mga tunay at partikular na pagpapakita at pagpamalas na ito. Mula sa perspektiba ninyo, pagdating sa pagbabahaginan tungkol sa mga paksang ito, mas mainam kung mas detalyado, hindi ba? (Oo.) Gusto ninyong makarinig ng mga bagay na nakahanda na; ayaw ninyo iyong mga bagay na kailangan pa ninyong alamin. Pagkatapos ninyong makinig sa mga sermon na ito, gumagawa ba kayo ng sariling pag-aaral? Kung magbabahagi Ako nang sobrang detalyado, pakiramdam ba ninyo na masyado Akong metikuloso at mahaba ang sinasabi? Maaaring sabihin ninyo na, “Talagang minamaliit Mo ang aming IQ; ganoon ba talaga kababa ang kakayahan namin? Sapat na ang magbigay Ka ng isa o dalawang halimbawa lang. Bukod pa rito, pagdating sa paghihimay-himay sa diwa ng mga anticristo, medyo marami na tayong napagbahaginan tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa kanilang pagmamahal sa katayuan at kapangyarihan. Bakit ang pagbabahaginan natin sa mga interes ng mga anticristo ay tumatalakay rin sa paksang ito? Hindi ba’t masyado nang paulit-ulit at maselan ito? Talaga bang kinakailangang magbahaginan tungkol dito?” Sa totoo lang, hindi naman masama ang kaunting pag-uulit. Kung magbabahaginan tayo mula sa lahat ng anggulo, magkakaroon kayo ng mas masusing pagkaunawa sa aspektong ito ng diwa ng mga anticristo. Dagdag pa rito, kapag nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, hindi kayo dapat umiwas sa pag-uulit. May ilang katotohanan na napagbahaginan na sa loob ng maraming taon ngunit wala pa ring mga tao na nakakapasok sa mga ito. Tama ba na palaging sikapin na umiwas sa pag-uulit, at palaging maghanap ng mga bagong estilo at ekspresyon? (Mali ito.) Ang katotohanan mismo ay malapit na nauugnay sa buhay ng mga tao. Ang lahat ng iba’t ibang bagay at tiwaling disposisyon na ipinapakita ng mga tao sa buhay nila, ang kanilang mga pagpapamalas, at ang mga pananaw at saloobin nila sa iba’t ibang uri ng mga bagay ay palaging nangyayari nang paulit-ulit araw-araw. Ang pagbabahaginan sa katotohanan at paghihimay-himay sa iba’t ibang nilalaman at diwa mula sa iba’t ibang anggulo ay lubos na kapaki-pakinabang para sa pagpasok ng mga tao sa katotohanan. Noong huli, nagbahaginan tayo sa isang simple at malawak na paraan tungkol sa pangalawang subseksiyon ng mga interes ng mga anticristo: ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Ngayon, magbibigay Ako ng ilang halimbawa upang detalyado tayong makapagbahaginan tungkol dito. Siyempre, kung nakapagkamit kayo ng kaunting bagong pagkaunawa o nakapagtamo ng kaunting paghahayag o liwanag batay sa pundasyon ng Aking pagbabahagi, o kung nakakita kayo ng ilang kaugnay na halimbawa sa takbo ng inyong sariling karanasan o buhay, maaari rin kayong makilahok sa pagbabahaginan. Susunod, partikular tayong maghihimay-himay, mula sa perspektiba ng mga interes ng mga anticristo, kung ano ang ipinapamalas ng mga anticristo pagdating sa kanilang sariling reputasyon at katayuan, kung anong mga tiwaling disposisyon ang ipinapakita ng mga anticristo, at kung sa anong mga paraan ipinapakita ng mga anticristo ang gayong mga kalikasang diwa.
Kumpara sa mga normal na tao, mas matindi ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang reputasyon at katayuan, at isa itong bagay na nasa loob ng kanilang disposisyong diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng mga anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, wala nang iba pa. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay, at ang kanilang panghabambuhay na mithiin. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: “Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?” Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo; kung hindi, hindi nila isasaalang-alang ang mga problemang ito. Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, at hindi rin isang bagay na kayang-kaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang pag-uugali. Kung gayon, ano ang kanilang pag-uugali? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. At kaya para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, ano man ang kapaligiran na tinitirhan nila, ano man ang gawain na kanilang ginagawa, ano man ang kanilang hinahangad, ano man ang kanilang mga mithiin, ano man ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo, at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at binibigyan ang mga ito ng pantay na pagpapahalaga. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, naniniwala sila na ang paghahangad ng katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang paghahangad ng reputasyon at katayuan; ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan, at ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang magkamit ng katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang reputasyon, pakinabang o katayuan, na walang humahanga sa kanila, o nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, sobrang bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, “Bigo ba ang gayong pananalig sa diyos? Wala na ba itong pag-asa?” Madalas na tinitimbang nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso, pinag-iisipan nila kung paano sila magkakapuwesto sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng mataas na reputasyon sa iglesia, nang sa gayon ay makinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at suportahan sila kapag kumikilos sila, at sumunod sa kanila saanman sila magpunta; nang sa gayon ay sila ang may huling salita sa iglesia, at ang may kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao. Bakit palagi silang nag-iisip ng ganoong mga bagay? Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, matapos marinig ang mga sermon, hindi ba talaga nila nauunawaan ang lahat ng ito, hindi ba talaga nila nagagawang makilala ang lahat ng ito? Talaga bang hindi nabago ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan ang kanilang mga kuru-kuro, ideya, at opinyon? Hindi talaga iyon ang kaso. Ang problema ay nasa kanila, ito ay lubos na dahil hindi nila minamahal ang katotohanan, dahil sa puso nila, tutol sila sa katotohanan, at bilang resulta, lubos nilang hindi tinatanggap ang katotohanan—na natutukoy ng kanilang kalikasang diwa.
Pagkatapos makinig ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, parang nakahanap sila ng direksiyon sa puso nila. Ngunit ano nga ba talaga ang diumano’y direksiyon na ito? Ito ay ang pagtatamo nila ng isang uri ng kasangkapan—o, maaaring sabihin ng isang tao, isang uri ng kapaki-pakinabang na sandata—na nagbibigay sa kanila ng mas higit pang katiyakan sa pagtamo ng katayuan. Kaya, ginagamit nila ang pagkakataong ito para higit na makinig, magbasa, matuto, makipagbahaginan, at magsagawa, at unti-unting makarating sa punto kung saan kaya nilang magsalita ng maraming salita at doktrina, at mangaral ng maraming diumano’y sermon na hindi malilimutan at nakahihikayat sa mga tao na hangaan sila. Sa sandaling maarok nila ang mga doktrinang ito na sa tingin ng mga tao ay maganda pagdating sa literal na kahulugan ng mga ito, para bang nakahawak na sila sa isang bagay na magsasalba sa kanila sa buhay, at nakakita na sila ng direksiyon at liwanag sa bukang-liwayway. Kaya, hindi nakikinig ang mga anticristo sa mga sermon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos alang-alang sa kanilang pagsasagawa o para sumunod sa daan ng Diyos, at lalong hindi nila ginagawa ang mga bagay na ito para maunawaan ang Kanyang mga layunin. Ginagawa nila ang mga ito para mahikayat ang mga tao at maakit ang mas maraming tao na sumamba at sumunod sa kanila gamit ang mga salita ng Diyos, o gamit ang mga teoryang ito na pinaniniwalaan nilang espirituwal, o sa pamamagitan ng pangangaral ng matatayog na sermon. Hindi nakikitang nagiging isang uri ng daluyan, isang uri ng hagdan, at isang uri ng kasangkapan ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, at ang Kanyang daan na ginagamit ng mga taong ito para magtamo ng katayuan at katanyagan sa gitna ng iba. Kaya, kahit sa anong paraan ninyo ito tingnan, hindi kayo makakakita ng anumang tunay na pananalig o tunay na pagpapasakop sa loob ng mga anticristo. Sa kabaligtaran, gaano man sila magsikap sa pakikinig ng mga sermon at pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at gaano man tila “kamaka-diyos” ang kanilang pananampalataya sa Kanyang mga salita, may isang bagay na hindi maikakaila, iyon ay na habang ginagawa ng mga anticristo ang mga bagay na ito, ang kanilang layunin at plano ay hindi para sumunod sa kalooban ng Diyos, at lalong hindi ito para gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin; ayaw nilang maging pinakamaliit sa mga tagasunod o maging mga nilikha, masunuring tumatanggap sa atas ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos nang may magandang pag-uugali. Sa halip, gusto lang nilang gamitin ang mga bagay na ito para makamit ang kanilang mga indibidwal na layon, para magkaroon ng puwang sa puso ng iba, at magkaroon ng positibong pagsusuri sa harap ng Diyos—iyon lang ang gusto nila. Kaya, gaano man ipangaral ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, at gaano man katama, katayog, ka-espirituwal, at kaangkop sa panlasa ng mga tao ang mga sermong ipinangangaral nila, wala silang magiging pagsasagawa at pagpasok. Kasabay nito, magbubunga ng mas maraming “prutas” ang kanilang paghahangad sa katayuan at reputasyon. Bakit Ko sinasabi ito? Sinasabi Ko ito dahil anuman ang gawin ng mga taong gaya nito, anuman ang kanilang makamit sa pamamagitan ng matinding pagsisikap, ang direksiyon at mga layong hinahangad nila, at ang motibo at pinagmulan na kinikimkim nila sa kaibuturan ng kanilang puso sa tuwing kumikilos sila, ay hindi maihihiwalay mula sa katayuan at reputasyon na mahigpit na nakakabit sa kanilang sariling mga interes.
Sabi nga, aanihin mo ang iyong itinanim. Kahit na ano pang uri ng mahusay na kakayahan at mga kaloob ang tinataglay ng mga anticristo, o anumang maka-diyos at espirituwal na pagpapamalas ang ipinapakita nila, dahil kinikimkim nila ang ambisyon at pagnanais na gumamit ng kapangyarihan at kontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos, at dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan at hinahanap lamang nila ang reputasyon at katayuan, kaya ba nilang magsagawa nang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos? Kaya ba nilang tugunan ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa kanilang mga kilos? (Hindi.) Kung gayon, ano ang magiging mga kahihinatnan ng kanilang mga kilos at pag-uugali? (Tiyak na ang pagtatatag nila ng kanilang sariling kaharian at na sila ang nasusunod.) Tama. Kahit ano pa ang gawin ng mga anticristo, ito ang magiging resulta sa huli. Kaya, ano ang nagdudulot ng ganitong kahihinatnan? Ang pangunahing dahilan nito ay ang kawalan nila ng kakayahan na tanggapin ang katotohanan. Sila man ay pungusan, hatulan, o kastiguhin, hindi ito tatanggapin ng mga anticristo sa kanilang puso. Anuman ang kanilang ginagawa, palaging may sariling mga pakay at layunin ang mga anticristo, palagi silang kumikilos ayon sa kanilang sariling plano, at ang kanilang saloobin sa mga pagsasaayos at sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay, “Maaaring mayroon kang isang libong plano, pero mayroon akong isang patakaran”; ang lahat ng ito ay natutukoy ng kalikasan ng mga anticristo. Maaari bang baguhin ng mga anticristo ang kanilang mentalidad at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Tiyak na imposible iyon, maliban na lang kung direktang hihingin ng Itaas sa kanila na gawin ito, kung saan ay medyo magagawa nila ito nang may pag-aalinlangan, dahil kinakailangan. Kung wala man lang silang ginawa, malalantad at matatanggal sila. Sa ganitong mga sitwasyon lang sila nakagagawa ng kaunting tunay na gawain. Ito ang saloobin ng mga anticristo sa paggawa ng mga tungkulin; ito rin ang saloobin nila sa pagsasagawa ng katotohanan: Kapag kapaki-pakinabang para sa kanila ang pagsasagawa ng katotohanan, kapag sasang-ayunan at hahangaan sila ng lahat dahil dito, siguradong gagawin nila ito at gagawa sila ng mga pakitang-tao na pagsusumikap na nagmumukhang katanggap-tanggap para sa iba. Kung hindi sila nakikinabang sa pagsasagawa ng katotohanan, kung walang nakakakita nito, at hindi rin ito nakikita ng mga nakatataas na lider, kung gayon, sa ganitong mga pagkakataon, tiyak na hindi nila isasagawa ang katotohanan. Nakasalalay sa konteksto at sitwasyon ang kanilang pagsasagawa sa katotohanan, at isinasaalang-alang nila kung paano nila ito gagawin sa paraang makikita ng iba, at kung gaano kalaki ang mga makukuhang pakinabang; mayroon silang mahusay na pag-arok sa mga bagay na ito, at kaya nilang umangkop sa iba’t ibang sitwasyon. Isinasaalang-alang nila sa lahat ng oras ang kanilang sariling kasikatan, pakinabang at katayuan, at hindi nagpapakita ng anumang pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos, at dahil dito, nabibigo silang isagawa ang katotohanan at itaguyod ang mga prinsipyo. Binibigyang-pansin lamang ng mga anticristo ang kanilang sariling kasikatan, pakinabang, katayuan, mga pansariling interes, at ang hindi nila pagkamit ng anumang pakinabang o pagbabandera nila sa kanilang sarili ay hindi katanggap-tanggap, at malaking abala para sa kanila ang pagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi pinapansin ang kanilang mga pagsisikap, at kahit na gumagawa sila sa harap ng iba ngunit hindi nakikita ang kanilang gawain, kung gayon, hindi sila magsasagawa ng anumang katotohanan. Kung ang gawain ay direktang isinasaayos ng sambahayan ng Diyos, at wala silang magagawa kundi gawin ito, isinasaalang-alang pa rin nila kung makikinabang ba ang kanilang katayuan at reputasyon dito. Kung mainam ito para sa kanilang katayuan at mapapaangat nito ang kanilang reputasyon, ibinubuhos nila ang lahat ng mayroon sila sa gawaing ito at ginagalingan nila ang trabaho rito; pakiramdam nila ay nasapul nila ang dalawang ibon sa isang bato. Kung hindi ito makabubuti sa kanilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at ang paggawa nito nang hindi maayos ay makapagpapasama sa kanilang imahe, umiisip sila ng paraan o dahilan para matakasan ito. Anuman ang tungkuling gampanan ng mga anticristo, lagi silang kumakapit sa iisang prinsipyo: Dapat silang magkaroon ng kaunting nakamit pagdating sa reputasyon, katayuan, o sa kanilang mga interes, at hindi sila dapat magkaroon ng anumang kawalan. Ang klase ng gawaing pinakagusto ng mga anticristo ay kapag hindi nila kailangang magdusa o magbayad ng anumang halaga, at may pakinabang iyon sa kanilang reputasyon at katayuan. Sa kabuuan, anuman ang ginagawa nila, isinasaalang-alang muna ng mga anticristo ang sarili nilang mga interes, at kumikilos lang sila kapag napag-isipan na nilang lahat iyon; hindi sila tunay, sinsero, at lubos na nagpapasakop sa katotohanan nang walang pakikipagkompromiso, kundi ginagawa nila ito nang may pagpili at may kondisyon. Anong kondisyon ito? Ito ay na dapat maingatan ang kanilang katayuan at reputasyon, at hindi sila dapat mawalan ng anuman. Kapag natugunan ang kondisyong ito, saka lang sila magpapasya at pipili kung ano ang gagawin. Ibig sabihin, pinag-iisipang mabuti ng mga anticristo kung paano tatratuhin ang mga katotohanang prinsipyo, ang mga atas ng Diyos, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o kung paano haharapin ang mga bagay na kaharap nila. Hindi nila isinasaalang-alang kung paano tugunan ang mga layunin ng Diyos, kung paano iingatang huwag mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung paano mapalulugod ang Diyos, o kung paano makikinabang ang mga kapatid; hindi ang mga ito ang isinasaalang-alang nila. Ano ang isinasaalang-alang ng mga anticristo? Kung maaapektuhan ba ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, at kung bababa ba ang kanilang katanyagan. Kung ang paggawa ng isang bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, subalit magdurusa naman ang kanilang sariling reputasyon at mapagtatanto ng maraming tao ang kanilang tunay na tayog at malalaman kung anong uri ng kalikasang diwa ang mayroon sila, kung gayon, tiyak na hindi sila kikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang paggawa ng tunay na gawain ay magiging sanhi para maging mataas ang tingin sa kanila, tingalain sila at hangaan sila ng mas maraming tao, tulutan silang magkaroon ng mas higit pang katanyagan, o magkaroon ng awtoridad ang kanilang mga salita at mas maraming tao pa ang magpasakop sa kanila, kung gayon ay pipiliin nilang gawin ito sa ganoong paraan; kung hindi naman, hinding-hindi nila pipiliin na isantabi ang sarili nilang mga interes para ikonsidera ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Ganito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Hindi ba ito makasarili at kasuklam-suklam? Sa anumang sitwasyon, itinuturing ng mga anticristo na pinakamahalaga ang kanilang katayuan at reputasyon. Walang sinumang maaaring makipagkumpitensya sa kanila. Anumang pamamaraan ang kailangan, basta’t nahihikayat at napapasamba nito ang mga tao sa kanila, gagawin ito ng mga anticristo. Kapag may ibang tao na pinahahalagahan at sinasang-ayunan ng hinirang na mga tao ng Diyos dahil sa kanilang pagpapatotoo sa Diyos, gagamitin din ng mga anticristo ang pamamaraang ito para hikayatin ang mga tao. Ngunit hindi nagtataglay ng katotohanan ang mga anticristo, o ng praktikal na karanasan, kaya pinipiga nila ang kanilang utak na gumawa ng isang hanay ng mga teorya na nagpapatotoo para sa Diyos batay sa mga imahinasyon ng tao, nagsasalita kung gaano kadakila ang Diyos, kung gaano kamahal ng Diyos ang tao, kung paanong nagbabayad ng halaga ang Diyos para iligtas ang tao, at kung gaano nagpapakumbaba at nagtatago ang Diyos. Pagkatapos nilang magpatotoo para sa Diyos sa ganitong paraan, ang natatamo nilang kinalalabasan ay na mas lalo pa silang pinahahalagahan ng mga tao, at nagkakaroon sila ng mas malaking puwang sa puso ng mga tao, at walang puwang para sa Diyos. Kung nakikita nila na ang pagsasalita tungkol sa pagkakilala sa sarili ay maaaring magtulak sa mga tao na higit silang pagkatiwalaan, hangaan, at pahalagahan, madalas nilang pag-uusapan ang tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili, at madalas na hihimayin ang kanilang sarili. Hihimay-himayin nila ang katunayan na sila ay isang diyablo, na hindi sila tao, na wala silang katwiran, na hindi nila hinahangad ang katotohanan, at na hindi nila taglay ang katotohanan. Magbabahagi sila tungkol sa ilang paimbabaw, walang kabuluhang paksa para ilihis ang iba, kuhanin ang tiwala ng mga ito, at kumuha ng marami pang tao na pupuri at hahanga sa kanila. Ganito kumilos ang mga anticristo. Kung ang isang partikular na pamamaraan ng pagbabahagi ng patotoong batay sa karanasan ay magbibigay-daan sa kanila para magtamo ng pagsang-ayon at paghanga ng ibang tao, hindi sila mag-aatubiling gamitin ito. Pagtutuunan, pagsisikapan, at pag-iisipan talaga nila nang husto ang pamamaraang ito. Sa kabuuan, ang layon at motibo nila sa paggawa ng lahat ng ito ay umiikot lamang sa katayuan at reputasyon. Hindi mahalaga kung ito ay ang kanilang panlabas na wika, mga pamamaraan, pag-uugali, o isang uri ng kaisipan, pananaw, o pamamaraan ng paghahangad, umiikot ang lahat ng ito sa reputasyon at katayuan. Ganito gumagawa ang mga anticristo.
Para sa mga anticristo, kung ang reputasyon o katayuan nila ay inaatake at inaalis, mas seryosong bagay pa ito kaysa sa pagtatangkang kitilin ang kanilang buhay. Kahit gaano pa karaming sermon ang pakinggan nila o kahit gaano pa karaming salita ng Diyos ang basahin nila, hindi sila makakaramdam ng kalungkutan o pagsisisi na hindi nila naisagawa kailanman ang katotohanan at natahak ang landas ng mga anticristo, o na nagtataglay sila ng kalikasang diwa ng mga anticristo. Sa halip, lagi silang nag-iisip ng paraan upang magtamo ng katayuan at pataasin ang kanilang reputasyon. Masasabi na ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay ginagawa upang magpakitang-gilas sa harap ng iba, at hindi ginagawa sa harap ng Diyos. Bakit Ko nasasabi ito? Ito ay dahil labis na nahuhumaling ang gayong mga tao sa katayuan na itinuturing nila ito bilang pinakabuhay na nila, bilang panghabambuhay nilang layon. Higit pa rito, dahil mahal na mahal nila ang katayuan, hindi sila kailanman naniniwala sa pag-iral ng katotohanan, at masasabi pa ngang hinding-hindi sila naniniwala na mayroong Diyos. Kaya, gaano man sila magkalkula upang magkamit ng reputasyon at katayuan, at gaano man nila subukang magpanggap upang lokohin ang mga tao at ang Diyos, sa kaibuturan ng kanilang puso, wala silang kamalayan o pagkadismaya, lalo na ng anumang pagkabalisa. Sa kanilang patuloy na paghahangad sa reputasyon at katayuan, walang-pakundangan din nilang itinatanggi ang nagawa ng Diyos. Bakit Ko sinasabi iyon? Sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo, naniniwala siya, “Lahat ng reputasyon at katayuan ay nakakamtan sa pamamagitan ng sariling pagsusumikap ng tao. Sa pagtatamo lamang ng matibay na posisyon sa gitna ng mga tao at pagtatamo ng reputasyon at katayuan niya matatamasa ang mga pagpapala ng diyos. May halaga lamang ang buhay kapag ang mga tao ay nagtatamo ng ganap na kapangyarihan at katayuan. Ito lamang ang pamumuhay na parang isang tao. Sa kabaligtaran, walang silbi ang mamuhay sa paraang sinasabi sa salita ng diyos—para magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng diyos sa lahat ng bagay, ang bukal sa loob na lumugar sa posisyon ng isang nilikha, at mamuhay gaya ng isang normal na tao—walang titingala sa gayong tao. Dapat pagsumikapan ng isang tao ang kanyang katayuan, reputasyon, at kaligayahan; dapat ipaglaban ang mga ito at sunggaban nang may positibo at maagap na saloobin. Walang ibang magbibigay ng mga ito sa iyo—ang pasibong paghihintay ay hahantong lang sa kabiguan.” Ganito magkalkula ang mga anticristo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo. Kung umaasa kang tatanggapin ng mga anticristo ang katotohanan, aaminin ang mga pagkakamali, at magkakaroon ng tunay na pagsisisi, imposible ito—hinding-hindi nila ito kayang gawin. Taglay ng mga anticristo ang kalikasang diwa ni Satanas, at kinamumuhian nila ang katotohanan, kaya, kahit saan man sila magpunta, kahit na pumunta sila sa dulo ng mundo, hinding-hindi magbabago ang ambisyon nila ng paghahangad ng reputasyon at katayuan, at pati na rin ang kanilang pananaw sa mga bagay-bagay, o ang landas na kanilang tinatahak. Sasabihin ng ilang tao na: “May ilang anticristo na kayang baguhin ang kanilang pananaw sa bagay na ito.” Tama ba ang pahayag na ito? Kung talagang kaya nilang magbago, mga anticristo pa rin ba sila? Ang mga may kalikasan ng isang anticristo ay hinding-hindi magbabago. Ang mga nagtataglay ng disposisyon ng isang anticristo ay magbabago lamang kung hahangarin nila ang katotohanan. Ang ilang tao na tumatahak sa landas ng isang anticristo ay gumagawa ng kasamaan na gumugulo sa gawain ng iglesia, at bagamat naklasipika sila bilang mga anticristo, matapos silang tanggalin, nakakaramdam sila ng tunay na pagsisisi, at nagpapasya silang umasal muli nang tama, at pagkatapos ng panahon ng pagninilay-nilay, pagkilala sa sarili, at pagsisisi, sumasailalim sila sa isang tunay na pagbabago. Sa ganitong sitwasyon, ang mga taong ito ay hindi maaaring klasipikahin bilang mga anticristo; nagtataglay lamang sila ng disposisyon ng isang anticristo. Kung hahangarin nila ang katotohanan, maaari silang magbago. Gayumpaman, tiyak na masasabi na ang karamihan sa mga naklasipika bilang mga anticristo, mga pinaalis, o pinatalsik ng iglesia ay hindi tunay na magsisisi o magbabago. Kung mayroon man sa kanila ang magbago, bihira lang iyon. Magtatanong ang ilang tao: “Kung gayon, mali bang naiklasipika ang mga bihirang kasong iyon?” Imposible ito. Kung tutuusin, may nagawa naman talaga silang kasamaan, at hindi ito maaaring balewalain. Gayumpaman, kung magagawa nilang tunay na magsisi, kung handa silang gumawa ng tungkulin, at kung sila ay nagtataglay ng tunay na patotoo ng kanilang pagsisisi, maaari pa rin silang tanggapin ng iglesia. Kung lubusang tatanggi ang mga taong ito na aminin ang kanilang pagkakamali o magsisi pagkatapos silang maklasipika bilang mga anticristo, at patuloy nilang pangangatwiranan ang kanilang sarili sa anumang paraan, kung gayon, tumpak at ganap na tama na iklasipika sila bilang mga anticristo. Kung inamin nila ang kanilang mga pagkakamali at nakaramdam sila ng tunay na pagsisisi, paanong ikaklasipika pa rin sila ng iglesia bilang mga anticristo? Imposible iyon. Kahit sino pa sila, kahit gaano karaming kasamaan ang ginawa nila, o gaano kalubha ang kanilang mga kamalian, kung ang isang tao ay natukoy bilang isang anticristo o nagtataglay ng disposisyon ng isang anticristo ay nakasalalay sa kung nagagawa niyang tanggapin ang katotohanan at ang mapungusan, at kung taglay nila ang tunay na pagsisisi. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan at ang mapungusan, kung taglay nila ang tunay na pagsisisi, at handa silang igugol ang buong buhay nila sa pagtatrabaho para sa Diyos, kung gayon, tunay itong nagpapahiwatig ng kaunting pagsisisi. Ang isang taong gaya nito ay hindi maaaring iklasipika bilang isang anticristo. Kaya ba talagang tanggapin ng mga tunay na anticristong iyon ang katotohanan? Talagang hindi. Ito ay tiyak na dahil sa hindi nila mahal ang katotohanan, at tutol sila sa katotohanan, na hindi nila kailanman magagawang bitiwan ang reputasyon at katayuan, mga bagay na mahigpit na nakakabit sa kanilang buong buhay. Matatag na naniniwala ang mga anticristo sa kanilang mga puso na kapag may reputasyon at katayuan, saka lamang sila magkakaroon ng dignidad at magiging tunay na nilikha, at na kapag may katayuan, saka lamang sila magagantimpalaan at makokoronahan, magiging marapat na sang-ayunan ng Diyos, magkakamit ng lahat ng bagay, at magiging isang totoong tao. Ano ang tingin ng mga anticristo sa katayuan? Tinitingnan nila ito bilang katotohanan; itinuturing nila ito bilang pinakamataas na mithiing dapat hangarin ng mga tao. Hindi ba’t problema iyon? Ang mga taong maaaring mahumaling sa katayuan sa ganitong paraan ay tunay na mga anticristo. Kauri sila ng mga taong katulad ni Pablo. Naniniwala sila na ang paghahangad sa katotohanan, paghahangad ng pagpapasakop sa Diyos, at paghahangad ng katapatan ay pawang mga proseso na umaakay sa isang tao sa pinakamataas na posibleng katayuan; mga proseso lamang ito, hindi ang mithiin at pamantayan ng pagiging isang tao, at na ginagawa lamang ang mga ito para makita ng Diyos. Ang pagkaunawang ito ay isang kalokohan at katawa-tawa! Ang mga kakatwang tao lamang na namumuhi sa katotohanan ang makakaisip ng gayong katawa-tawang ideya.
Pagdating sa mga anticristo, anumang aspekto ng katotohanan ang pagbabahaginan ninyo, ang kanilang pamamaraan ng pag-arok at pag-unawa ay magiging iba kaysa sa mga taong naghahangad ng katotohanan. Pagkatapos marinig ang katotohanan, iniisip ng mga taong naghahangad nito na, “Hindi ko taglay ang aspektong ito ng katotohanan, at maiuugnay ko sa aking sarili ang kalagayang ito na ibinunyag ng Diyos. Bakit kaya, pagkatapos makinig dito, ay ramdam ko na puno ako ng pagsisisi at pagkakautang sa Diyos? Napakalayo ko pa rin sa paghahangad sa katotohanan, at malayo pa rin ako sa tunay na pagpapasakop. Nakararamdam ako ng sobrang takot; ito ay naging isang pampagising sa akin. Akala ko ay maayos ang lagay ko kamakailan, at hindi ko alam na hindi pala talaga ako isang tao na nagsasagawa ng katotohanan o nagpapalugod sa Diyos. Simula ngayon, kailangan kong maging maingat at masinop, at tumuon sa pananalangin sa harap ng Diyos at pagsusumamo sa Kanya para sa patnubay at pagtanglaw. Hindi ako dapat sumunod sa sarili kong kagustuhan. Lalaliman ko ang pagpasok sa aspektong ito ng katotohanan, at mayroon pa akong puwang para umusad. Sana ay magtakda ang Diyos ng isang kapaligiran na makapagpapahintulot sa akin na gumampan nang mas mabuti, at makapag-alay ng aking sinseridad at katapatan.” Ganito mag-isip ang mga taong naghahangad ng katotohanan. Kaya, paano naaarok ng mga anticristo ang iba’t ibang uri ng katotohanan? Pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos na sumasaway sa tao, ano ang iniisip nila? “Hindi ako naging mahusay roon, nagkaroon ako ng kapabayaan sa mga kilos ko, at lumitaw ang mga pagkakamali. Ilan kaya ang nakakaalam tungkol dito? Napakalinaw ng pagkakasabi ng mga salita ng diyos; ibig bang sabihin niyon ay nakilatis na niya ako? Kung gayon, hindi ito magandang kinalabasan; hindi ito ang gusto ko. Kung nakilatis na ako ng diyos, may iba pa bang nakakaalam tungkol dito? Kung may nakakaalam, mas malala pa nga iyon. Kung ang diyos lang ang nakakaalam, at wala nang iba, ayos lang iyon. Kung naririnig ng ilang tao ang mga salitang ito ng diyos na naglalantad sa tao at iniuugnay at ginagamit nila ang mga ito sa akin, magiging masama iyon para sa reputasyon ko. Kakailanganin kong mag-isip ng paraan para maremedyuhan ito. Paano ko ito mareremedyuhan?” Ganito magnilay-nilay ang mga anticristo. Halimbawa, pagkatapos makinig sa pagbabahagi ng Diyos tungkol sa kung paanong dapat na maging matapat ang mga tao, kaagad na iisipin ng isang anticristo na, “Ang mga hangal lamang ang nagsisikap na maging matapat na tao. Paanong magiging isang matapat na tao ang isang matalinong kagaya ko? Ang matatapat na tao ay mga tau-tauhan lang at mga hangal; sinasabi nila ang anumang pumapasok sa isipan nila, sinasabi nila sa ibang tao ang lahat at hinahayaan silang maintindihan ang lahat. Hinding-hindi ko gagawin iyon! Ang pagsasabi ng Diyos na dapat tayong maging matapat na tao ay depende sa tao, kaya magiging matalinong tao na lang ako, at iyon na iyon. Tungkol sa pagiging matapat na tao, pipiliin ko na lang at pagpapasyahan kung kailan ako magiging ganoon. Magtatapat ako tungkol sa ilang bagay, pero hindi ko sasabihin ang lahat ng lihim at mga nakatagong bagay na iyon na kinikimkim ko sa kaibuturan ng aking puso, mga bagay na maaaring magpababa ng tingin ng mga tao sa akin kung sasabihin ko ang mga ito. Ano bang benepisyo ang mayroon sa pagiging matapat na tao? Sa tingin ko walang anumang benepisyo ito. Palaging hinihimay-himay ng ilang tao ang kanilang sarili, nagsisikap na maging matapat na tao at magsalita nang matapat, at naglalahad ng kanilang mga tiwaling disposisyon, pero hindi nila natamo ang biyaya ng diyos, at kapag dapat silang pungusan, pinupungusan pa rin sila; hindi sila binibigyan ng diyos ng anumang karagdagang pagtataas.” Patuloy silang nagninilay-nilay, “Kailangan kong pumili ng ibang daan. Hindi ito ang landas na dapat kong tahakin; ipapaubaya ko na lang ito sa iba. Paanong mamumuhay nang ganoon ang isang matalinong taong katulad ko?” Anumang aspekto ng katotohanan ang naririnig ng isang anticristo, ano ang mga kinakalkula nila sa puso nila? Kaya ba nilang maarok ang katotohanan nang buo? Kaya ba nilang tanggapin ito bilang ang katotohanan sa kaibuturan ng kanilang puso? Talagang hindi. Palagi silang nagkakalkula at nagpapakana, at patuloy na nagmamasid. Paano sila tumutugon sa huli? Nagbabago sila ayon sa sitwasyon, nakikiangkop sila sa mga kondisyon, sila ay mahusay at mautak sa kanilang pakikitungo sa ibang tao, at kumikilos nang ganap na palihim. Anuman ang kanilang ginagawa, anuman ang kanilang iniisip o kinakalkula sa kaibuturan, hindi nila maaaring ipaalam sa iba, ni ipaalam sa Diyos; hindi nila maaaring ilantad ang mga bagay na ito sa Diyos, lalo na ang makipag-usap tungkol dito nang malinaw sa mga tao—naniniwala sila na ang mga bagay na ito ay personal na nilang buhay. Kaya, ang mga anticristo ay ang uri ng mga tao na talagang hindi kayang magsagawa ng katotohanan. Bukod sa hindi pagsasagawa ng katotohanan, hinahamak din nila ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan, at higit pa roon, kinukutya nila ang mga tao na napupungusan dahil nagkaroon ang mga ito ng ilang paglihis habang nagsasagawa ng katotohanan, o dahil nagkaroon ang mga ito ng mga maling pagliko, or nakagawa ng ilang pagkakamali, at tinatawanan nila ang mga ito mula sa isang tabi. Hindi sila naniniwala sa pagiging matuwid ng Diyos, lalong hindi sila naniniwala na ang iba’t ibang paraan ng pagtrato ng Diyos sa mga tao ay kinapapalooban ng katotohanan at pagmamahal ng Diyos sa mga ito; hindi naniniwala ang mga anticristo sa mga bagay na ito. Sa pananaw nila, naniniwala sila na ang lahat ng bagay na ito ay mga kasinungalingan na naglalayong linlangin ang mga tao; iniisip nila na ang mga ito ay pawang mga dahilan lamang, isang kumpol ng mga salita na magandang pakinggan. At ano ang madalas na lihim nilang ikinatutuwa? “Buti na lang hindi ako ganoon kahangal para ialok ang lahat; buti na lang, hindi ako nagsalita tungkol sa marurumi at mga pangit na bagay na iyon na kinikimkim ko sa kaibuturan; buti na lang, patuloy ko pa ring pinanghahawakan ang aking katayuan at reputasyon at ginagawa ang aking buong makakaya para hangarin ang mga ito, at nagpupursigi alang-alang sa mga ito. Kung hindi ako nagpursigi para sa sarili kong kapakanan, sino pa ang mag-aalala para sa akin?” Ang mga anticristo ay hindi lamang mapanlinlang, sila ay mga buktot din, tutol sila sa katotohanan, at malupit ang kanilang disposisyon; ibig sabihin, ang lahat ng aspekto ng tiwaling disposisyon na namamalas sa mga tiwaling tao ay nakumpirma na sa mga anticristo at higit pang “itinaas.” Kung nais mong tingnan ang mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, maghanap ka ng isang anticristo na hihimay-himayin at pakikitunguhan; iyon ang pinakamahusay na paraan sa paglalarawan ng isyu, at ang pinakamabisang paraan para makilatis ang tiwaling diwa ng tiwaling sangkatauhan at ang mukha ni Satanas. Kung gagamitin mo ang isang anticristo bilang pangunahing halimbawa, at hihimay-himayin at kikilalanin siya, mas malinaw mong mauunawaan ang mga bagay na ito.
Ang paghahangad ng mga anticristo ng katayuan at reputasyon ay mas higit pa kaysa sa paghahangad ng mga ordinaryong tao, at gayundin ang kanilang pagnanais para sa katayuan at reputasyon. Hindi ganoon kalaki ang pagnanais ng mga ordinaryong tao para sa katayuan at reputasyon, samantalang ang pagnanais na iyon sa mga anticristo ay napakalakas at halatang-halata. Sa sandaling nakaugnayan mo ang isang anticristo at nakausap siya at nakasama siya, malalantad sa harap mo ang kanyang kalikasang diwa, at agad mo siyang makikilatis. Ganito kalaki ang kanyang pagnanais. Kapag lumalim na ang iyong pakikipag-ugnayan sa kanya, makararamdam ka ng pagkasuklam sa kanya at itatakwil mo siya. Sa huli, hindi mo lang siya itatakwil, kokondenahin at isusumpa mo pa siya. Ang mga anticristo ay hindi mabubuting bagay; sila ay mga kaaway ng Diyos, at kaaway rin ng lahat ng naghahangad sa katotohanan. Ang mga anticristo ay tutol sa katotohanan, at kayang-kaya nilang gumawa ng iba’t ibang uri ng masasamang bagay alang-alang sa kanilang katayuan at reputasyon. Sa lahat ng kanilang ginagawa, magpapanggap sila, manggagaya, at makikisakay sa sitwasyon, nagkokompromiso alang-alang sa katayuan at reputasyon. Ang mismong mga kaluluwa at diwa ng mga taong tulad nito ay marumi; sila ay kasuklam-suklam. Wala silang kahit isang patak ng pagmamahal sa katotohanan o sa mga positibong bagay. Kasabay nito, ginagamit nila ang mga positibong bagay at ang pangangaral ng mga tamang salita at doktrina para ilihis ang mga tao, upang magkamit sila ng reputasyon at katayuan, at matugunan ang kanilang mga pagnanais at ambisyon. Ito ang pag-uugali at diwa ng mga anticristo. Hindi mo makikita kung ano ang hitsura ni Satanas, kung paano ito umaasal sa mundo at nakikitungo sa mga tao, at kung anong uri ng kalikasang diwa mayroon si Satanas; hindi mo alam kung anong klaseng bagay ba talaga si Satanas sa mga mata ng Diyos. Hindi ito problema; ang kailangan mo lang gawin ay pagmasdan at himay-himayin ang isang anticristo, at makikita mo ang lahat ng bagay na ito—ang kalikasang diwa ni Satanas, ang pangit na mukha ni Satanas, at ang kabuktutan at kalupitan ni Satanas—ang lahat ng ito ay makikita mo. Ang mga anticristo ay mga buhay na Satanas; sila ay mga buhay na demonyo.
1. Kung Paano Tinatrato ng mga Anticristo ang Mapungusan
Ang mga anticristo ay nagkikimkim ng mga napakalaking ambisyon at pagnanais pagdating sa katayuan at reputasyon, at masyado itong nakakasuya at kasuklam-suklam para sa iba. Sapat na ito para maipakita na ang kalikasang diwa ng isang anticristo ay napakapangit at buktot. Kung gayon, aling mga partikular na pagpapamalas ang naglalarawan sa kalikasang diwa ng isang anticristo? Una, pag-isipan natin kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan. (Kinamumuhian nila ito at hindi nila ito tinatanggap.) Sa anong paraan nila ito kinamumuhian? Idetalye mo. (May isang anticristo na gumawa ng maraming kasamaan, at nang ilantad ng kanyang mga kapatid ang ilan sa kanyang mga pagpapamalas, hindi man lang siya nagsisi, masyado siyang mapagmatigas, at hindi man lang nakaramdam ng kahit katiting na pagsisisi. Pakiramdam pa nga niya ay inagrabyado siya. Ito ang uri ng pagpapamalas na nakita ko.) Isa itong klasikong pagpapamalas ng isang anticristo. Ang karaniwang pag-uugali ng mga anticristo sa pagpupungos ay masidhing tanggihang tanggapin o aminin iyon. Gaano man karaming kasamaan ang ginagawa nila o gaano mang pinsala ang ginagawa nila sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa pagpasok sa buhay ng hinirang na mga tao ng Diyos, hindi sila nakakaramdam ni katiting na pagsisisi o na may pagkakautang silang ano man. Mula sa pananaw na ito, mayroon bang pagkatao ang mga anticristo? Talagang wala. Nagdudulot sila ng samu’t saring pinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos at nagdadala ng pinsala sa gawain ng iglesia—kitang-kita itong maliwanag pa sa sikat ng araw ng hinirang na mga tao ng Diyos, at nakikita nila ang sunod-sunod na masasamang gawa ng mga anticristo. At gayunpaman hindi tinatanggap o kinikilala ng mga anticristo ang katunayang ito; nagmamatigas silang tumatangging aminin na mali sila o na sila ang may pananagutan. Hindi ba’t isa itong indikasyon na tutol sila sa katotohanan? Ganoon na lamang katindi ang pagtutol ng mga anticristo sa katotohanan. Gaano man karaming kasamaan ang gawin nila, matigas silang tumatangging aminin ito, at nananatili silang hindi nagpapasakop hanggang sa huli. Sapat nitong pinatutunayan na hindi kailanman sineseryoso ng mga anticristo ang gawain ng sambahayan ng Diyos o tinatanggap ang katotohanan. Hindi sila narito para maniwala sa Diyos; mga kampon sila ni Satanas, na naparito para gambalain at guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Reputasyon at katayuan lamang ang laman ng puso ng mga anticristo. Naniniwala sila na kung aaminin nila ang kanilang pagkakamali, kakailanganin nilang managot, at kung magkagayon, lubhang makokompromiso ang kanilang katayuan at reputasyon. Bilang resulta, lumalaban sila nang may saloobin ng “magkaila hanggang mamatay.” Paano man sila inilalantad o hinihimay-himay ng mga tao, ginagawa nila ang makakaya nila para itanggi ito. Kung sinasadya man o hindi ang kanilang pagtanggi, sa madaling salita, sa isang banda, inilalantad ng mga ugaling ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo na tumututol at namumuhi sa katotohanan. Sa isa pang banda, ipinapakita nito kung gaano pinahahalagahan ng mga anticristo ang kanilang sariling katayuan, reputasyon, at mga interes. Samantala, ano ang kanilang saloobin ukol sa gawain at mga interes ng iglesia? Paghamak at kawalan ng responsabilidad. Walang-wala silang konsensiya at katwiran. Ipinapakita ba ng pag-iwas ng mga anticristo sa responsabilidad ang mga problemang ito? Sa isang banda, ang pag-iwas sa responsabilidad ay nagpapatunay sa kanilang kalikasang diwa ng pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan, habang sa isa pang banda, ipinapakita nito ang kawalan nila ng konsensiya, katwiran, at pagkatao. Gaano man napipinsala ng kanilang panggugulo at masasamang gawain ang pagpasok sa buhay ng mga kapatid, hindi sila nakadarama ng paninisi sa sarili at hindi kailanman nababahala tungkol dito. Anong uri ng nilalang ito? Kahit ang pag-amin sa bahagi ng kanilang pagkakamali ay maituturing bilang pagkakaroon nila ng kaunting konsensiya at katwiran ngunit wala ni katiting na ganoong pagkatao ang mga anticristo. Kaya ano sila sa palagay ninyo? Ang mga anticristo ay mga diyablo sa diwa. Gaano mang pinsala ang kanilang ginagawa sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ito nakikita. Hindi nila ito ikinalulungkot ni bahagya sa kanilang mga puso, ni hindi nila sinisisi ang kanilang mga sarili, at lalong hindi nakakaramdam ng pagkakautang. Hinding-hindi ito ang dapat na makita sa mga normal na tao. Sila ay mga diyablo, at ang mga diyablo ay walang anumang konsensiya o katwiran. Kahit gaano karaming masamang bagay ang ginagawa nila, at kahit gaano kalaking mga kawalan ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, mariin nilang tinatangging aminin ito. Naniniwala sila na ang pag-amin dito ay nangangahulugang may nagawa silang mali. Iniisip nila, “Makakagawa ba ako ng mali? Hindi ako kailanman gagawa ng mali! Kung ipapaamin sa akin ang pagkakamali ko, hindi ba’t isang insulto iyon sa aking pagkatao? Bagamat sangkot ako sa insidenteng iyon, hindi ako ang nagpasimuno nito, at hindi ako ang pangunahing responsable rito. Hanapin mo ang sinumang gusto mo, pero hindi dapat ako ang hinahanap mo. Anumang mangyari, hindi ko pwedeng aminin ang pagkakamaling ito. Hindi ko pwedeng pasanin ang responsabilidad na ito!” Iniisip nila na sila ay kokondenahin, sesentensiyahan ng kamatayan, at ipapadala sa impiyerno at sa lawa ng apoy at asupre kung aaminin nila ang kanilang pagkakamali. Sabihin mo sa Akin, kaya bang tanggapin ng mga ganitong tao ang katotohanan? Makakaasa ba ang isang tao na tunay siyang magsisisi? Paano man magbahagi ang iba tungkol sa katotohanan, nilalabanan pa rin ito ng mga anticristo, ipinupuwesto nila ang kanilang sarili laban dito, at sinusuway ito sa kaibuturan ng kanilang puso. Kahit pagkatapos silang tanggalin, hindi pa rin nila inaamin ang kanilang mga pagkakamali, at wala silang ipinapakitang anumang pagpapamalas ng pagsisisi. Nang binanggit ang usapin pagkatapos ng 10 taon, hindi pa rin nila kilala ang kanilang sarili, at hindi pa rin nila inaamin na nagkamali sila. Nang binanggit ang usapin pagkatapos ng 20 taon, hindi pa rin nila kilala ang kanilang sarili, at sinusubukan pa rin nilang pangatwiranan at ipagtanggol ang kanilang sarili. At ang mas kasuklam-suklam pa, nang binanggit ang usapin pagkatapos ng 30 taon, hindi pa rin nila kilala ang kanilang sarili, at sinusubukan pa rin nilang makipagtalo at pangatwiranan ang kanilang sarili, sinasabing: “Hindi ako nagkamali, kaya hindi ko pwedeng aminin ito. Hindi ko ito responsabilidad; hindi ko dapat pasanin ito.” At sa gulat ng lahat, 30 taon pagkatapos silang tanggalin, nagkikimkim pa rin ang mga anticristong ito ng isang saloobin ng paglaban sa paraan ng pangangasiwa sa kanila ng iglesia. Kahit na pagkatapos ng 30 taon, hindi man lang sila nagbago. Kung gayon, paano nila ginugol ang 30 taon na iyon? Maaari kayang hindi nila binasa ang salita ng Diyos o pinagnilayan ang kanilang sarili? Maaari kayang hindi sila nanalangin o nagtapat ng saloobin sa Diyos? Maaari kayang hindi sila nakinig sa mga sermon at pagbabahaginan? Maaari kayang hindi sila nag-iisip, at hindi nagtataglay ng pag-iisip ng isang normal na pagkatao? Tunay na isang misteryo kung paano nila ginugol ang 30 taon na iyon. Tatlumpung taon pagkatapos mangyari ang insidente, puno pa rin sila ng sama ng loob, iniisip na inagrabyado sila ng kanilang mga kapatid, na hindi sila nauunawaan ng Diyos, na hindi sila trinato nang maayos ng sambahayan ng Diyos, naglikha ito ng mga problema para sa kanila, pinahirapan sila, at hindi makatarungang pinagbintangan sila. Sabihin mo sa Akin, kaya bang magbago ng mga ganitong tao? Tiyak na hindi nila kayang magbago. Ang puso nila ay puno ng pagkamapanlaban sa mga positibong bagay, at ng paglaban at pagsalungat. Naniniwala sila na, sa pamamagitan ng paglalantad sa kanilang masasamang gawa at pagpupungos sa kanila, sinisira ng ibang tao ang kanilang pagkatao, dinudungisan ang kanilang reputasyon, at dinudulutan ng napakalaking pinsala ang kanilang reputasyon at katayuan. Hindi sila kailanman lalapit sa Diyos para manalangin, maghanap, at kilalanin ang kanilang sariling mga pagkakamali sa usaping ito, at hindi sila kailanman magkakaroon ng saloobin ng pagsisisi o pag-amin sa kanilang mga pagkakamali. Lalong hindi nila tatanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Ngayon, nagkikimkim pa rin nila ng pagsuway, kawalan ng kasiyahan, at mga hinaing habang pinangangatwiranan ang kanilang sarili sa Diyos, at hinihiling sa Diyos na ituwid ang mga kamaliang ito, na ibunyag ang usaping ito, at hatulan kung sino talaga ang tama at sino ang mali, hanggang sa puntong pinagdududahan at itinatatwa pa nga nila ang pagiging matuwid ng Diyos dahil sa usaping ito, at pinagdududahan at itinatatwa ang katunayan na ang sambahayan ng Diyos ay pinamumunuan ng katotohanan at ng Diyos. Ito ang huling kalalabasan ng pagpungos sa mga anticristo—tinatanggap ba nila ang katotohanan? Hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti; determinado silang hindi tanggapin ito. Mula rito, makikita natin na ang kalikasang diwa ng isang anticristo ay tumututol at namumuhi sa katotohanan.
Dahil hindi tinatanggap ng mga anticristo na mapungusan, mayroon ba silang anumang kaalaman sa pagpupungos? Kapag nagbabahagi sila tungkol sa aspektong ito ng katotohanan, ano ang sinasabi nila? Ano ang itinuturo nila sa iba? Sinasabi nila, “Ang pagpupungos sa mga tao ay isang pamamaraan na ginagamit ng diyos para gawin silang perpekto. Nagbibigay-daan ito sa mga tao na mas makilalang mabuti ang kanilang sarili. Kapag ang mga tao ay pinupungusan, dapat nilang tanggapin ito at dapat magpasakop sila rito nang walang kondisyon. Ang mga hindi tumatanggap sa pagpupungos ay mga tao na naghihimagsik laban sa diyos at hindi nagmamahal sa katotohanan. Kung gusto mong isagawa ang katotohanan, kailangan mo munang tumanggap ng pagpupungos; ganito ginagawang perpekto ng diyos ang mga tao, at dapat itong maranasan ng bawat indibidwal. Masasabing ang pagtanggap sa pagpupungos ay isa sa mga pinakamagandang landas ng pagsasagawa para maunawaan ng mga tao ang katotohanan at nang sa gayon ay makilala nila ang kanilang sarili at mapalugod ang diyos. Kahit sino ka man—isang lider o isang ordinaryong mananampalataya—at anumang tungkulin ang ginagampanan mo, dapat kang maghandang mapungusan. Kung hindi mo matatanggap na mapungusan, pinatutunayan nito na isa kang taong walang tayog, isang bata. Ang bawat isa na kayang tanggapin ang mapungusan ay isang taong nasa hustong gulang na nagtataglay ng buhay at may kakayahan na magawang perpekto.” Ang malalaking salitang ito ay lumalabas mula sa mga bibig ng mga anticristo na parang mga pukpok ng martilyo, at napakagandang pakinggan ng mga ito! Pero ano ang mga salitang ito? Ang isang linyang binibigkas ba nila ay ang katotohanan? Nakikilatis ba ninyo ito? Madalas din kayong nagsasabi ng mga gayong bagay, hindi ba? (Oo.) Sabihin ninyo sa Akin, ano ang mga salitang ito? (Mga doktrina.) Gumamit ng karaniwang parirala upang ibuod at tukuyin kung ano ang mga doktrina. (Mga sawikain.) May iba pa ba kayong naiisip na mga parirala? (Mga walang kwenta at teoretikal na salita.) Mayroon pa ba? (Lahat ng ito ay basura at kalokohan.) Tama, tumatama sa punto ang depinisyong ito, at ito ay makatotohanan. Ito ay tinatawag na pang-araw-araw na wika: Ang mga doktrina ay puro kalokohan. Ano ang ipinapahiwatig ng salitang “kalokohan”? Mga walang kabuluhang salita. Sa realidad, paano natin ito tinutukoy? Bilang mga salita at doktrina. Ang mga salitang ito na binibigkas ng mga anticristo ay mga salita at doktrina lamang. Pagdating sa paksa ng pagpupungos, kaya nilang bigkasin nang madalas ang mga doktrinang ito, ngunit pinatutunayan ba niyon na tunay nilang nauunawaan at naaarok ito? Sa sandaling marinig ninyo silang bumibigkas ng mga salitang ito, alam ninyo na wala silang tunay na pagkaunawa sa pagpupungos. Ang kanilang abilidad na bumigkas ng mga ganitong tambak ng kalokohan ay nagpapakita na hindi nila hinahangad ang katotohanan. Kung talagang mapupungusan sila, hinding-hindi nila tatanggapin ito. Ang saloobin ng isang anticristo sa pagpupungos ay iyong pagkamapanlaban at pagtutol; hindi niya ito ganap na tinatanggap at hindi rin siya nagpapasakop dito bilang ang katotohanan. Para sa kanya, magiging insulto sa kanyang pagkatao at dignidad kung gagawin niya iyon.
Mayroon ba kayong iba pang halimbawa tungkol sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagpupungos? (Ang ilang anticristo, kapag nahaharap sa pagpupungos, ay maaaring tila natututo nang kilalanin ang kanilang sarili kung titingnan sa panlabas, ngunit sa likod ng kanilang mga salita, magkakaroon ng mga panlilinlang at isang katangian ng pagtatangkang iligaw ang mga tao. Minsan, kapag nagkakamali sila, sinasabi nila na, “Pinahintulutan ng diyos na mangyari ito, dapat magpasakop ang lahat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.” Minsan, gumagawa pa nga ang mga anticristo ng mga huwad na kontra-akusasyon, nagsasabi na, “Hindi mo dapat subukang hanapan ng mali ang mga lider at manggagawa, o magkaroon ng sobrang taas na mga hinihingi sa kanila.” Sinasabi ng mga anticristo ang mga gayong bagay para subukang ilihis ang mga tao at pigilan silang makilatis ang mga anticristo.) Ito ay isang pagpapamalas—ibig sabihin, binabaluktot ng mga anticristo ang mga mali para maging tama, binabaligtad nila ang puti at itim. Sa takot na makita ng mga tao ang kanilang mga problema, nagmamadali ang mga anticristo na gumawa ng panlilinlang at gumamit ng lahat ng uri ng pasalitang panlalansi para ilihis ang mga tao, guluhin ang kanilang isipan, at palabuin ang kanilang paningin, upang pigilan silang magkaroon ng anumang kaalaman o pagkilatis sa mga bagay na ginawa nila, at sa gayon ay mapanatili ang kanilang mataas na katayuan at magandang reputasyon sa isipan ng mga tao. Ito ay parehong uri ng saloobin na binanggit natin kanina, tungkol sa kung paanong tiyak na hindi magbabago ang mga anticristo kapag sila ay pinungusan, o kapag sila ay nagkamali o tumahak sa maling landas. Ano pa ang ibang halimbawa? (Naghihinakit ang mga anticristo sa sinumang pumupungos sa kanila, at sa kalaunan ay maaari pa ngang maghanap sila ng mga pagkakataon na gantihan at atakihin ang mga ito.) Ang pag-atake at pagganti ay isa pang pagpapamalas. Paano ito nauugnay sa pagprotekta ng mga anticristo sa kanilang sariling katayuan at reputasyon? Bakit nila gustong umatake at maghiganti? (Ang sinumang nagpungos sa kanila ay naglantad sa lahat ng kasamaan na ginawa nila at sa mga katunayan ng usapin; sinira ng mga ito ang kanilang katayuan at reputasyon, at winasak ang imahe nila na umiiral sa puso ng mga tao, kaya’t nagkimkim sila ng hinanakit sa mga ito.) Tama, doon nakasalalay ang relasyon. Iniisip nila na sinira ng mga taong nagpungos sa kanila ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, inilagay sila sa kahihiyan, sinira ang kanilang reputasyon, at lubos na ibinaba ang kanilang katayuan sa isipan ng iba sa pamamagitan ng paglalantad sa kanila sa harap ng maraming tao. Ito ang dahilan ng kanilang pagganti. Dahil dito, nasira ang kanilang reputasyon at katayuan, at upang mailabas ang kanilang sama ng loob at ang pagkamuhi sa kanilang puso, naghahanap sila ng mga pagkakataon para atakihin at gantihan ang mga tao na naglantad at pumungos sa kanila. Ano pang ibang pagpapamalas ang ipinapakita ng mga anticristo? (Napakatuso rin ng ilang anticristo. Kapag may pumupungos sa kanila, maaaring hindi sila kokontra rito o magpapahayag ng anumang pagkontra sa panlabas, at sa katunayan, tila may nauunawaan na sila sa kanilang sarili, pero sa kalaunan, patuloy nilang gagawin ang parehong masasamang gawa na kanilang ginawa noon at hindi kailanman tunay na magsisisi. Gumagamit sila ng mga gayong pagpapanggap para ilihis ang mga tao.) Ito ay isa pang pagpapamalas. Isang partikular na uri ng anticristo ang gumagawa mismo nang ganoon. Iniisip nila sa kanilang sarili, “Kung may buhay, may pag-asa. Magpapasensiya ako sa ngayon at hindi ko hahayaang makilatis mo ako. Kung tahasan kitang kokontrahin at hindi ko tatanggapin na mapungusan, sasabihin mo na ako ay isang tao na hindi nagsasagawa o nagmamahal sa katotohanan, at kung kumalat iyang sinabi mo, maaapektuhan nito ang aking reputasyon. Kung malalaman ito ng ating mga kapatid, siguradong tatanggihan nila ang pamumuno ng isang tao na tiyak na walang pagmamahal para sa katotohanan. Kailangan muna akong magtatag ng magandang imahe. Kapag nahaharap ako sa pagpupungos at may isang tao na naglalantad ng anumang kamalian o pagsalangsang na nagawa ko, ngingisi ako at titiisin ko ito sa pamamagitan ng pagkukunwaring tatanggapin ko ito at tatango ako bilang pag-amin, nang hindi hinahayaang makilatis ako ng sinuman o malaman ng sinuman kung ano talaga ang iniisip ko. Pagkatapos ay magpapakitang-tao lang ako, luluha nang kaunti, at magsasabi ng ilang bagay tungkol sa pagkakautang ko sa diyos, at tatapusin na ang usapin. Sa ganoong paraan, iisipin ng aking mga kapatid na ako ay isang tao na tumatanggap sa katotohanan, at maaari akong magpatuloy na maging lider at pagkatapos ay mapapanatili ang aking reputasyon at katayuan, hindi ba?” Ang lahat ng kanilang ginagawa ay pagpapakitang-tao. Masasabi ba ninyo na ang mga ganitong tao ay madaling makilatis? (Hindi sila madaling makilatis.) Kinakailangan isang panahon ng pagmamasid at pakikipag-ugnayan sa kanila para makita kung pinoprotektahan ba nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa tuwing nahaharap sa mga problema, at kung talaga bang nagsasagawa sila ayon sa mga katotohanang prinsipyo o hindi. Gaano man kaganda o kawasto ang kanilang pananalita sa panlabas, pansamantala lamang iyon; sa malao’t madali, lalabas ang paraan kung paano talaga sila mag-isip. Kahit na hindi sila ibunyag ng Diyos, kaya ba ng mga anticristo na itago nang mahigpit ang kanilang mga tunay na kaisipan at ang kalikasang diwa? Kaya ba nilang pagtakpan ang mga ito sa buong buhay nila? Imposible iyon; sa malao’t madali, mabubunyag ang mga bagay na ito. Kaya, gaano man kabuktot o katuso ang mga anticristo, hangga’t nagkikimkim sila ng mga layunin at motibo at kumokontra sa katotohanan sa kanilang mga kilos, makikilala at makikilatis sila sa huli ng mga taong nakakaunawa sa katotohanan. Ang mga anticristong gaya nito ang pinakatuso sa lahat; sa panlabas, tila tinatanggap nila ang katotohanan at mga positibong bagay, pero ang totoo, sa kaibuturan ng kanilang puso at sa kanilang diwa, hindi nila minamahal ang katotohanan, at tutol pa nga sila sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Dahil mahusay silang magsalita, karamihan ay hindi nakakakilatis sa kanila, at tanging ang mga tao na nakakaunawa sa katotohanan ang nakakakilatis at nakakakilala sa ganitong uri ng tao. Mayroon pa bang ibang halimbawa? (May isang anticristo na nakakita na ang kanyang mga katrabaho ay may mas mahusay na kakayahan kaysa sa kanya at mas mahusay sa gawain kaysa sa kanya. Upang mapanatili ang kanyang katayuan, palihim niyang binaluktot ang mga katunayan at nanghusga siya sa kanyang mga katrabaho at kapareha, inililihis ang mga tao, inaakit at hinihikayat ang mga ito na makinig sa kanya. Humantong ito sa kawalan ng tiwala sa isa’t isa sa kanyang mga katrabaho. Hindi na sila nagtutulungan nang maayos at wala nang resultang natatamo sa anumang aspekto ng gawain. Nang malantad ang masasamang gawa ng anticristo, bukod sa hindi niya tinanggap ito, nagdahilan pa siya at nagtangkang umiwas sa responsabilidad. Malinaw na gagawin niya ang lahat alang-alang sa kanyang reputasyon at katayuan; kahit gaano karaming kapatid ang napinsala niya, at kahit gaano kalubha niya nagulo at nagambala ang gawain ng sambahayan ng Diyos, sadyang wala siyang pakialam, at lalong hindi siya nalungkot o nakonsensiya. Wala siyang ni isang hibla ng pagkatao o katwiran.) Sa madaling salita, walang pag-aalinlangan ang mga anticristo tungkol sa pagsasakripisyo nila sa mga interes ng sinuman para lang maprotektahan ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Kahit na kailangan pa nilang tapakan ang lahat ng tao para mapanatili ang kanilang sariling katayuan, hindi sila mag-aatubiling gawin ito. Pagdating sa pagpoprotekta ng kanilang reputasyon at katayuan, wala silang pakialam kung mabubuhay o mamamatay ang iba, sadyang wala sa kanilang isipan ang mga gawain ng sambahayan ng Diyos at ang mga interes ng iglesia, at talagang hindi saklaw ng kanilang pagsasaalang-alang. Mula sa mga kilos na ito, makikita natin na ang mga anticristo ay hindi mga tao ng sambahayan ng Diyos; sila ay mga hindi mananampalataya na nakapasok dito. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi ang kanilang tahanan, kaya’t wala sa mga interes nito ang may anumang kinalaman sa kanila. Gusto lang nilang matamo ang kanilang layon na humawak ng kapangyarihan at kontrolin ang mga tao, at matugunan ang kanilang mga pansariling ambisyon at paganais sa sambahayan ng Diyos. Dahil ito ang uri ng kalikasang diwa na mayroon ang mga anticristo, tiyak na hindi nila tatanggapin na mapungusan sila, ni tatanggapin ang anumang aspekto ng katotohanan.
Mula sa mga halimbawang ibinigay natin, makikita mo na likas sa mga anticristo ang kanilang ambisyon at pagnanais na maghangad ng reputasyon at katayuan. Ipinanganak nang ganito ang mga anticristo, na may ganitong uri ng kalikasang diwa. Tiyak na hindi nila ito natututunan pagkatapos nilang ipanganak, at hindi rin ito isang kinahinatnan nang dahil sa kanilang kapaligiran. Katulad ito ng mga taong may sakit na hindi naman nagkakasakit pagkatapos nilang ipanganak, kundi minamana nila ito. Ang mga ganitong uri ng mga sakit ay imposibleng magamot. Ipinanganak ang mga anticristo nang may ambisyon na maghangad ng reputasyon at katayuan, at hindi sila naiiba sa mga reinkarnasyon ng mga haring diyablo. Ang mga anticristo ay tumututol at namumuhi sa katotohanan, at hindi nila tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos kahit kailan. Kaya, anumang klase ng pagpupungos ang kinakaharap nila, hindi nila ito tatanggapin. Kung pupungusan sila ng isang ordinaryong kapatid, lalong ayaw nilang tanggapin ito. Naniniwala sila na: “Hindi ka kuwalipikadong pungusan ako, hindi ka karapat-dapat! Ilang araw ka pa lang bang naging isang mananampalataya? Noong maging mananampalataya ako, ni hindi ka pa nga naipanganak! Noong maging lider ako, ni hindi ka pa nga nagsisimulang manampalataya sa diyos!” Iyon ang saloobing kinikimkim nila ukol sa mga kapatid na pumupungos sa kanila. Nakatuon sila sa mga kwalipikasyon at kataasan ng ranggo, at tinatanggihan nila ang pagpupungos batay sa mga bagay na ito. Kung gayon, kaya ba nilang tanggapin kung pupungusan sila ng Itaas? Batay sa kanilang kalikasang diwa, hindi rin nila iyon tatanggapin. Bagamat wala silang sinasabi sa panlabas, tiyak na lalabanan at tatanggihan ito ng puso nila. Walang duda ito. Kapag tunay silang naharap sa pagpupungos ng Itaas, ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng mga anticristo ay ang desperadong makipagtalo at pangatwiranan ang kanilang sarili para umiwas sa responsabilidad, magsisinungaling pa nga sa Itaas at magtatago ng mga bagay-bagay sa mga mababa sa kanila para makaligtas sila nang walang parusa. Madalas ginagamit ng mga anticristo ang pamamaraan ng pagsisinungaling sa Itaas at pagtatago ng mga bagay-bagay sa mga mababa sa kanila para maiwasan ang pagpupungos ng Itaas. Halimbawa, kung maraming problema sa isang iglesia, hindi nila ito kailanman iniuulat. Kung nais ng kanilang mga kapatid na iulat ang mga problemang iyon, hindi pinahihintulutan ng mga anticristo ang mga ito, at ang sinumang gumagawa niyon ay susupilin at ibubukod nila. Dahil dito, karamihan sa mga tao ay napipilitang umiwas dito, hinahayaang hindi nalulutas ang mga problema, at kumikilos bilang mga mapagpalugod ng tao. Pinagtatakpan ng mga anticristo ang lahat ng problema ng iglesia, ganap na inililihim ang mga ito, at hindi nila pinapayagang makialam o mag-usisa ang Itaas. Inaantala rin ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas sa abot ng kanilang makakaya, at hindi nila ipinapasa o ipinapatupad ang mga ito. Kung hindi nakakaapekto sa kanilang personal na reputasyon o katayuan ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas, maaaring magpapahayag lang sila ng mga bagay na pakitang-tao at iraraos lang ang gawain, ngunit tiyak na hindi nila talaga ito ipapatupad. Kung ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas ay magdudulot ng banta, o magkakaroon ng partikular na epekto sa kanilang reputasyon at katayuan, kung gayon, kailangang mag-isip-isip ng mga anticristo. Kailangan nilang isaalang-alang kung paano kumilos, kanino dapat kumilos, at kailan dapat kumilos. Kailangang maging maingat sila tungkol sa mga bagay-bagay na ito, paulit-ulit na kakalkulahin ang mga ito sa isipan nila. Kung lumilitaw ang ilang problema sa gawain ng iglesia, alam ng mga anticristo na tiyak silang mapupungusan o matatanggal pa nga kapag nalaman ng Itaas ang tungkol sa mga isyu, kaya, itinatago nila ang mga problema, at hindi iniuulat ang mga ito sa Itaas. Wala silang anumang pakialam kung ano ang epekto o pinsalang maidudulot ng mga problemang iyon sa gawain ng sambahayan ng Diyos kung hindi ito malulutas; walang silang malasakit sa kahit anong kawalan na mararanasan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila iniisip kung anong paraan ng pagkilos ang makakabuti sa gawain ng sambahayan ng Diyos o makakapagpalugod sa Diyos, isinasaalang-alang lamang nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, kung paano sila titingnan at tatratuhin ng Itaas, at kung paano pangangalagaan ang kanilang reputasyon at katayuan upang hindi maapektuhan ang mga ito. Sa ganitong paraan tinitingnan ng mga anticristo ang mga bagay-bagay at pinag-iisipan ang mga problema, at ganap itong kumakatawan sa kanilang disposisyon. Kaya, tiyak na hindi makatotohanang iuulat ng mga anticristo ang mga problema na umiiral sa loob ng iglesia, o na lumilitaw sa kanilang gawain. Anuman ang gawain nila, anumang paghihirap ang kinakaharap nila, o kung nahaharap sila ng mga sitwasyon na hindi nila alam kung paano pangasiwaan, o kung saan hindi nila alam kung ano ang gagawing pagpapasya, habang isinasakatuparan ang gawain na iyon, pagtatakpan at itatago nila ito, natatakot sila na sasabihin ng Itaas na masyadong mahina ang kanilang kakayahan, o na malalaman nito ang kanilang tunay na sitwasyon, o pupungusan sila dahil hindi nila maagap na pinangasiwaan at nilutas ang mga paghihirap o sitwasyong iyon. Binabalewala ng mga anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang gawain ng iglesia upang maiwasan ang pagpupungos ng Itaas. Hindi sila nag-aatubiling isakripisyo ang gawain at mga interes ng iglesia para lang mapanatili ang kanilang katayuan at kabuhayan, at para matiyak na mayroong magandang impresyon tungkol sa kanila ang Itaas. Wala silang pakialam kung naaantala o naaapektuhan ba nila ang pag-usad ng gawain ng iglesia, at mas lalong wala silang pakialam tungkol sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Anuman ang mga suliraning kinakaharap ng mga kapatid, o kung anuman ang mga problemang umiiral sa kanilang buhay pagpasok, hindi ito kayang lutasin ng mga anticristo, at hindi sila maghahanap mula sa Itaas. Malinaw nilang alam na ang pagtatago ng mga problema at hindi paglutas sa mga ito ay makakaantala at makakaapekto sa pag-usad ng gawain ng iglesia, at magsasanhi ng mga kawalan sa buhay ng mga kapatid, subalit hindi nila pinapansin ang mga bagay na ito, at wala silang pakialam sa mga ito. Anumang malalaking problema ang lumilitaw sa iglesia, hindi nila kailanman iniuulat ang mga ito, sa halip ay ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para itago at pagtakpan ang mga ito. Kung natutuklasan ng kanilang mga kapatid ang kanilang masasamang gawa at nagsusulat ang mga ito ng mga liham na nag-uulat ng kanilang masasamang gawa, lalo pang nagsisikap ang mga anticristo na itago at pagtakpan ang mga liham na iyon. Ano ang kanilang layon sa pagtatago at pagtatakip sa mga liham na iyon? Ito ay para mapanatili ang kanilang katayuan, maprotektahan ang kanilang reputasyon at katanyagan, at mapanatili ang lahat ng kanilang kasalukuyang pag-aari. Para sa kanila, ang tanggalin, o ang pagsusuri ng Itaas sa kanila bilang hindi karapat-dapat sa kanilang gawain, ay parang pagkawala ng kanilang buhay at mahatulan ng kamatayan, ito ay parang pagdating nila sa dulo ng daan sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Kaya, ano’t anuman, hindi sila kailanman naghahanap mula sa Itaas. Sa halip, nag-iisip sila ng mga paraan kung paano itago ang lahat ng mga problema na umiiral sa kanilang gawain at pigilan ang Itaas na matuklasan ang mga ito. Hindi ba’t sobrang kasuklam-suklam ang pagsasagawa nilang ito? Naniniwala sila na ang isang mabuting lider sa mga mata ng Diyos at ng Itaas ay dapat na isang tao na hindi kailanman nagkakaroon ng anumang problema o paghihirap, isang tao na kayang pangasiwaan nang maayos ang lahat ng bagay, at angkop para sa lahat ng uri ng gawain. Iniisip nila na ang isang mabuting lider ay hindi kailanman nagrereklamo tungkol sa mga paghihirap, o naghahanap ng tulong para sa mga problema, at na ang isang mabuting lider ay tiyak na isang tao na perpekto at walang kapintasan sa isipan ng Diyos at ng Itaas, na kayang tapusin nang maayos ang gawain nang hindi kailangang pungusan ng Itaas. Dahil dito, masidhi nilang pinangangalagaan ang kanilang katayuan, umaasa na makapagbibigay ng magandang impresyon sa Itaas, at maling papaniwalain ang Itaas na angkop sila para sa kanilang gawain, na kaya nilang pasanin ang kanilang gawain, at na walang mangyayaring malalaking problema, at kaya, iniisip na hindi sila kinakailangang direktang tanungin tungkol sa kanilang gawain o bigyan ng gabay, at lalong hindi sila kinakailangang pungusan. Gusto ng mga anticristo na lumikha ng ganitong uri ng imahe para sa kanilang sarili, upang maling papaniwalain ang iba na naniniwala sa kanila ang Diyos at ipinagkakatiwala sa kanila ng Diyos ang lahat ng bagay, na iniaatas Niya sa kanila ang mahahalagang gampanin posisyon at may malaking tiwala ang Diyos sa kanila, hanggang sa punto na nag-aatubili Siyang pungusan sila, dahil sa takot na ang kanilang pagiging negatibo at pagpapakatamad ay makakaapekto sa gawain. Pinapaniwala ng mga anticristo ang mga kapatid na sila ay mga tanyag na tao sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia, at mahahalagang personalidad sa sambahayan ng Diyos. Bakit ba gusto nilang itanim sa isip ng mga kapatid ang ganitong uri ng ilusyon at pagpapanggap? Ito ay upang pahalagahan at sambahin sila ng mga tao, upang matamasa nila ang mga pakinabang ng kanilang katayuan sa iglesia, pati na ang mataas na katayuan at magandang pagtrato, hanggang sa punto na maaaring mapalitan nila ang puwesto ng Diyos. Madalas nilang sinasabi sa mga kapatid na, “Hindi magagawa ng diyos na makipag-usap sa inyo nang personal, hindi niya magagawang bumaba sa inyong antas at personal na isakatuparan ang gawain, at hindi posibleng makapamumuhay Siya nang kasama ninyo, at gagabayan kayo sa lahat ng magkakaibang bagay na kinakaharap ninyo sa inyong pang-araw-araw na buhay. Kaya, sino ang magsasagawa ng mga partikular na gawaing ito? Hindi ba’t ang mga lider at manggagawa na gaya natin?” Habang ginagawa nila ang kanilang makakaya para mapangalagaan ang kanilang katayuan, madalas nilang sinasabi ang mga ganitong bagay at ipinapahayag ang mga ganitong ideya, nang sa gayon ay ganap at walang alinlangang maniniwala at magtitiwala sa kanila ang mga kapatid. Ano ang kalikasan ng kanilang pagsasagawang ito? Hindi ba’t ito ay pagsisinungaling sa Itaas at pagtatago ng mga bagay-bagay mula sa mga taong nasa ibaba nila? (Oo.) Ito ang wais na parte ng kanilang pamamaraan. Karamihan sa mga tao ay may mahinang kakayahan, hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi nakikilatis ang mga anticristo, at maaari lamang silang ilihis at gamitin ng mga anticristo. Kung direktang magtatangka ang mga anticristo na ilihis ang mga tao sa pamamagitan ng pagsasabing: “Talagang may pananalig sa akin ang itaas, nakikinig sila sa akin sa lahat ng bagay,” baka maging medyo mapagbantay ang mga tao at magkaroon ng kaunting pagkilatis sa kanila, ngunit hindi nagsasalita ang mga anticristo sa direktang paraan tulad nito. Gumagamit sila ng partikular na paraan ng pagsasalita para ilihis ang mga tao, at maling pinapaniwala ang mga ito na tiyak na may pananalig at tiwala sa kanila ang Itaas para ipagkatiwala sa kanila ang gawain ng isang lider. Ang mga hangal na walang pagkilatis at hindi naghahangad sa katotohanan ay napapapaniwala rito at napapasunod sa kanila. At, kapag may nangyayari, hindi nagdarasal sa Diyos o naghahanap ng katotohanan sa mga salita ng Diyos ang mga hangal na iyon, sa halip, lumalapit sila sa mga anticristo, humihiling sa mga anticristo na ipakita sa kanila ang daan at pumili ng landas para sa kanila. Ito ang layon na gustong matamo ng mga anticristo sa kanilang mga kilos. Kung walang iilang tao sa iglesia ang nakakaunawa sa katotohanan, na kumikilatis at naglalantad sa mga anticristo, ang karamihan sa mga tao ay bulag na maniniwala sa kanila, sasamba at susunod sa kanila, at mamumuhay sa ilalim ng kanilang kontrol. Napakamapanganib nito! Kung ang isang tao ay malilihis at makokontrol ng isang anticristo sa loob ng tatlo o limang taon, dadanas ng malaking kawalan ang buhay niya. Kung siya ay malilihis at makokontrol ng isang anticristo sa loob ng walo o sampung taon, tuluyan na siyang mawawasak; kahit na gusto pa niyang tubusin ang kanyang sarili, hindi na siya magkakaroon pa ng pagkakataon.
Madalas na nililihis ng mga anticristo ang mga tao, hinihikayat at kinokontrol ang mga tao gamit ang mga pahayag na sila ay mga tanyag na tao sa sambahayan ng Diyos, na sila ay inilagay ng Diyos sa mga importanteng posisyon, at na sila ay pinahahalagahan at pinagkakatiwalaan ng Diyos, dahil sa pagsisikap nilang matamo ang kanilang layon na palaging magtamasa ng katayuan at habambuhay na siyang may huling salita. Ano ang pinakakinatatakutan ng mga anticristo? Pinakakinatatakutan nila ang mawalan ng kanilang katayuan at magkaroon ng pangit na reputasyon. Natatakot sila na iisipin ng kanilang mga kapatid na hindi nila hinahangad ang katotohanan, na napakahina ng kanilang kakayahan, at na wala silang espirituwal na pagkaunawa, o hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain, at na hindi nila kayang gumawa ng anumang aktuwal na gawain. Ito ang mga bagay na pinakakinatatakutang marinig ng mga anticristo. Kapag naririnig ng mga anticristo ang mga gayong pahayag at deklarasyon, natataranta sila at naiinis pa nga, kung minsan ay umaabot pa sila sa pag-aalboroto, nagsasabing, “Mahina ang kakayahan ko, kaya sige, gamitin mo kung sino ang pwede mong gamitin; tutal, hindi ko naman kaya ang gawaing ito! Hindi ba’t matuwid ang diyos? Nananampalataya ako sa kanya nang matagal na panahon, isinuko ko ang aking pamilya at propesyon para sa kanya, at nagsumikap nang labis para sa inyong lahat, mga kapatid ko. Bakit wala man lang kayong magandang masabi tungkol sa akin?” Hindi na sila makapaglaan ng atensyon sa kanilang reputasyon at katayuan, ni hindi na rin nila sinusubukang pagtakpan ang kanilang sarili o magkunwari pa; buong-buong nakaladlad ang kanilang kapangitan. Pagkatapos ilabas ang kanilang galit, pinupunasan nila ang kanilang mga luha at iniisip na, “Naku; pinahiya ko lang ang sarili ko. Kailangan kong bumawi!” Pagkatapos ay nagpapatuloy sila sa pagkukunwari, nagpapatuloy sila sa pag-aaral ng magagandang sawikain at doktrina, at sa pakikinig, pagbabasa, pangangaral, at paglilihis ng mga tao. Pakiramdam nila na kailangan nilang isalba ang kanilang reputasyon at katayuan, at umaasa sila na isang araw, kapag oras na ng halalan, iisipin pa rin sila ng mga kapatid, na maaalala ng mga ito ang mabubuting bagay na nagawa nila, ang mga halagang ibinayad nila, at ang mga bagay na nasabi nila. Lubos itong kawalan ng kahihiyan, hindi ba? Ang lumang kalikasan nilang iyon ay hindi pa rin nagbabago, hindi ba? Bakit hindi nagbabago ang mga anticristo kahit kailan? Ito ay natutukoy ng kanilang kalikasang diwa, hindi nila kayang magbago; ganito lang talaga sila. Kapag ang kanilang ambisyon at mga pagnanais ay tuluyanng naglaho, nagwawala sila, at pagkatapos ay mas gumaganda ang kanilang asal. Nagtanong Ako kamakailan tungkol sa kung kumusta na ang isang tao, at sinabi ng ilang kapatid na naging napakaganda ng asal niya. Ano ang ibig sabihin ng “maganda ang asal”? Ibig sabihin, nagpakabait siya nang husto nitong mga nakaraang araw, at mas maayos na ang kanyang kilos kaysa dati; hindi na siya nagsasanhi ng gulo, umaatake sa mga tao, o nakikipag-agawan para sa katayuan, at natututo na siyang makipag-usap sa mga tao nang mas malumanay, mapagpakumbaba, at tahimik. Pagkatapos ay gumagamit siya ng mga tamang salita para tulungan ang iba, at sa kanyang pang-araw-araw na buhay, nagpapakita siya ng espesyal na pagmamalasakit at pag-aalaga sa ibang tao. Para bang naging isang ganap na bagong tao na siya. Ngunit totoo bang nagbago na talaga siya? Hindi. Kung gayon, ano ang mga kaugaliang iyon? (Mga panlabas na mabuting pag-uugali.)
Pagkatapos maibunyag ang ilang anticristo at mailantad ang lahat ng kanilang masasamang gawa, kapag nakikita nila ang kanilang mga kapatid, sinasabi nila, “Pakiramdam ko ay naliwanagan at natanglawan ako ng diyos kamakailan, at nasa tunay na mabuting kalagayan ako. Lubos kong kinamumuhian ang mga dati kong kilos, at hinding-hindi ko malilimutan o mabibitiwan ang mga kawalang idinulot ko sa aking mga kapatid. Masyado akong nalulungkot.” Habang sinasabi nila ito, napapahagulgol sila at kusa pa nga nilang hinihiling sa mga kapatid na pungusan sila, sinasabing, “Huwag kayong mag-alala sa pagiging mahina ko. Kung makikita ninyo na may mali akong ginagawa, pungusan ninyo ako, kaya ko itong tanggapin—kaya ko itong tanggapin mula sa diyos; hindi ako magkikimkim ng sama ng loob sa inyo.” Mula sa matigas na pagtanggi, paglaban, at pagsuway na mapungusan ng mga kapatid, pagbibigay-katwiran at pagtatanggol sa kanilang sarili, at pagiging puno ng sama ng loob, naging aktibo sila sa paghahangad na mapungusan. Ito ay medyo mabilis na pagbabago ng saloobin, hindi ba? Ibig bang sabihin nito ay nagsisisi sila? Batay sa saloobing ito, mukhang nagbago na sila, kaya dapat mo silang pungusan. Kung gagawin mo ito, mapagtatanto nila ang mga pagkakamaling nagawa nila sa nakaraan, at matutulungan silang makilala ang kanilang sarili. Sa sandaling iyon, dapat mo silang tulungan sa pamamagitan ng pagpapakita ng kaunting sinseridad, at sasabihin na, “Nakikita ko na medyo maayos na ang ikinikilos mo kamakailan. Kakausapin kita nang mula sa puso ko. Kung may masabi akong mali, at hindi mo ito matanggap, huwag mo na lang pansinin; kung naniniwala ka na tama ang sinasabi ko, tanggapin mo ito mula sa Diyos. Ang layunin ko ay tulungan ka, hindi para saktan ka habang nahihirapan ka o para atakihin ka. Buksan natin ang ating puso sa isa’t isa at magbahaginan tayo. Noong naglingkod ka bilang isang lider, mapagmataas kang palakad-lakad sa paligid, at tumatangging aminin ang iyong mga pagkakamali; kahit na sa panlabas ay inamin mo ang ilan, hindi mo naman talaga tinanggap na may kasalanan ka sa loob-loob mo—at pagkatapos, nang maharap ka sa parehong isyu, kumilos ka pa rin na gaya ng dati. Pag-usapan natin ang huling insidenteng iyon, halimbawa. Dahil naging iresponsable ka, may nangyaring mali, at nagkaroon ng malaking kawalan sa mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos. Dahil sa iyong pagiging iresponsable, naaresto at nakulong ang maraming kapatid, at nagbayad ng halaga para dito. Hindi mo ba naisip na dapat managot ka para doon? Ikaw ang tao na direktang responsable sa insidenteng iyon, kaya dapat kang humarap sa Diyos, magkumpisal ng iyong mga kasalanan, at magsisi. Sa katunayan, kung aaminin mo ang iyong pagkakamali, sa pinakamalala ay ituturing lang ito ng Diyos bilang isang pagsalangsang, at hindi ito makakaapekto sa paghahangad mo sa katotohanan sa hinaharap. Magagawa ka ring tratuhin nang maayos ng mga kapatid at ituturing ka nila bilang miyembro ng sambahayan ng Diyos; hindi ka nila itatakwil o aatakihin. Totoo na ang lahat tungkol sa isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos, ngunit kung hindi mo kailanman hahangarin ang katotohanan, tiyak na kamumuhian at aabandonahin ka ng Diyos, at sa puntong iyon, magiging target ka ng pagkawasak. Kung tatanggapin mo at magpapasakop ka sa gawain ng Diyos at tunay kang magsisisi, hindi na maaalala ng Diyos ang iyong mga nakaraang pagsalangsang at magiging isa ka pa ring tao na naghahangad sa katotohanan sa harap ng Diyos. Hindi tayo humihingi ng pagpapaumanhin o kapatawaran Niya, ngunit kahit papaano man lang, kailangan nating gawin ang dapat gawin ng mga tao; ito ang responsabilidad at tungkulin ng bawat nilikha, at ito ang landas na dapat nating tahakin.” Ang mga ito ay mga totoong salita, hindi ba? Mayroon bang anumang pangungutya o panlalansi sa mga ito? Mayroon bang anumang panu-nuya o panlilibak sa mga ito? (Wala.) Ito ay mga taos-pusong salita lamang, binibigkas nang kalmado at naaayon sa prinsipyo ng pagtulong at pagpapabuti sa mga tao. Ang mga salitang ito ay tama; sa loob ng mga ito, mayroong isang landas ng pagsasagawa, pati na rin isang katotohanang dapat hanapin. Subalit, kaya bang tanggapin ng mga anticristo ang mga salitang ito? Kaya ba nilang maarok at isagawa ang mga ito bilang katotohanan? (Hindi nila kaya.) Paano sila tutugon sa mga salitang ito? “Hanggang ngayon, patuloy ninyong binabantayan ang mga pagkakamali ko, ayaw talaga ninyong palampasin, ano? Kahit ang diyos ay hindi inaalaala ang mga dating pagsalangsang ng mga tao, kaya bakit palagi ninyong tinitingnan ang sa akin? Sinasabi ninyo na gusto ninyong makipag-usap sa akin nang puso-sa-puso at na tinutulungan ninyo ako. Anong klaseng tulong ito? Malinaw na isa itong pagtatangkang halukayin ang nakaraan at papanagutin ako. Sinusubukan lamang ninyo na ipaako sa akin ang responsibilidad, hindi ba? Ako lang ba ang may pananagutan para sa insidenteng iyon? Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng diyos, ibig sabihin, siya ang may pananagutan. Nang mangyari ang insidenteng iyon, bakit hindi tayo binigyan ng diyos ng anumang pahiwatig tungkol dito? Hindi ba’t ito ay pinamatnugutan ng Diyos? Kung gayon, paanong sinisisi ninyo ako?” Sinasabi nila kung ano ang nasa isip nila, hindi ba? Nasaan ba ang kanilang problema? Sa panlabas, tila sila ay nagbago na at naging mas mapagpakumbaba; mukhang mas maayos na ang kanilang pag-uugali kaysa dati, na para bang hindi na nila hinahangad ang katayuan at reputasyon at tila kaya na nilang umupo nang mahinahon, kausapin ang isang tao, at makipag-usap nang puso-sa-puso. Kung gayon, paanong nagagawa pa rin nilang magsalita nang gaya nito? Anong problema ang makikita rito? (Ang paraan ng kanilang pagkilos ay isa lamang ilusyon na kanilang ipinapakita para makabawi sila.) Ano pa? (Hindi nila talagang kilala ang kanilang sarili, at ang mga iyon ay hindi mga pagpapakita ng tunay na pagsisisi. Ang mga iyon ay isang uri lamang ng mapagkunwaring pagsasagawa. Kapag nagbabahagi sa kanila ang ibang tao tungkol sa kanilang mga problema, wala pa rin silang kakayahan na tanggapin ang katotohanan. Malinaw na ang kanilang kalikasang diwa ay mapanlaban sa katotohanan.) Dalawang punto ang napakalinaw rito. Una sa lahat, kapag nawalan ang isang anticristo ng katayuan, ang isa sa kanilang kalagayan ay, “Kung may buhay, may pag-asa”—palagi silang handang bumangong muli. Ang ikalawang punto ay tungkol sa maling landas na tinahak nila noon at ang mga pagsalangsang na nagawa nila, tiyak na hindi kailanman tunay na nagninilay-nilay sa kanilang sarili ang mga anticristo. Hindi nila aaminin ang kanilang mga pagkakamali o tatanggapin ang katotohanan, at lalong hindi nila mauunawaan ang kanilang diwa mula sa mga katunayan ng kanilang masamang gawa, o maibubuod kung paano magsagawa ayon sa katotohanan. Kapag tinanggal sila at nawalan sila ng katayuan, hindi nila iniisip na, “Ano ba mismo ang nagawa kong mali? Paano ako dapat magsisi? Kung mangyayari ulit ang ganitong bagay, paano ako dapat kumilos para maging kaayon ako sa layunin ng Diyos?” Wala silang ganitong saloobin na baguhin ang kanilang sarili. Kahit na pungusan sila, at kahit na matanggal sila, hindi pa rin sila magbabago at maghahangad sa katotohanan, maghahanap ng landas ng pagsasagawa, o magbabago ng direksiyon sa kanilang paghahangad. Gaano man kalaki ang mga kawalang idinudulot nila sa sambahayan ng Diyos at gaano man katindi ang kanilang pagbagsak, hinding-hindi nila ipagtatapat ang kanilang mga kasalanan. Ang mga kabiguan nila ay hindi magtutulak sa kanila na hangarin at hanapin ang katotohanan sa sumusunod na panahon; sa halip, magkakalkula sila sa kung ano ang maaari nilang gawin para maisalba ang lahat at mabawi ang katayuang nawala sa kanila. Ito ang dalawang punto. Ang una ay isang uri ng kalagayang mayroon sila pagkatapos mawalan ng katayuan, kung saan palagi silang handang bumangon muli. Ang pangalawang punto ay ang kanilang pagtangging aminin o unawain ang maling landas na tinahak nila. Sa loob ng pangalawang punto na ito, ang hindi pag-unawa sa maling landas na tinahak nila ay isang parte lang nito; dagdag pa rito, tiyak na hindi sila tunay na magsisisi, o tatanggap sa katotohanan, at siguradong hindi rin sila babawi sa mga pinsalang ginawa nila sa sambahayan ng Diyos nang may pusong nagsisisi. Tiyak na hindi nila iisipin kung paano magbabago, kung paano sila magbabago mula sa pagiging mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan tungo sa pagiging mga tao na naghahangad at nagsasagawa sa katotohanan. Malinaw na ipinapakita ng dalawang punto na ang mga anticristo ay tutol sa katotohanan at likas na buktot; talagang magaling sila sa pagbabalatkayo at pakikibagay sa kanilang kapaligiran, gaya ng mga hunyango. Mayroon silang pabago-bagong diwa, at sa kaibuturan ng kanilang puso, hinding-hindi humuhupa ang kanilang paghahangad sa katayuan at mga ambisyon at pagnanais, hindi rin ito magbabago kailanman. Walang sinuman ang makakapagpabago sa mga taong iyon. Kung titingnan ang mga pagpapamalas na ito, ano ang kalikasang diwa ng ganitong klase ng tao? Kapatid ba ang isang anticristo? Tunay na tao ba ang isang anticristo? (Hindi.) Kung mga kapatid ang tingin ninyo sa mga taong ito, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay lubha kayong hangal? Ang mga pagpapamalas na ito ay mga pagpapakita ng diwa ng isang anticristo. Kapag ang mga anticristo ay walang katayuan, ganito ang kalagayan nila; ang mga kalkulasyon sa kanilang puso, ang kanilang ipinapakita, at kung paano sila kumikilos sa panlabas, at ang uri ng saloobing mayroon sila sa kaibuturan ng kanilang puso tungkol sa katotohanan at sa kanilang mga pagsalangsang ay ganito, at hindi magbabago ang kanilang pananaw. Gaano ka man magbahagi tungkol sa katotohanan o magsalita tungkol sa mga tama at positibong landas ng pagsasagawa, talagang hindi nila kailanman tatanggapin ito sa kaloob-looban nila; sa halip, lalabanan nila ito. Maniniwala pa nga sila na, “Sabagay, wala na akong katayuan kaya wala nang silbi ang sinasabi ko. Wala nang sumusuporta sa akin; gusto lang ninyo akong kutyain at turuan ng leksiyon. Kwalipikado ka bang turuan ako ng leksiyon? Sino ka ba sa inaakala mo? Noong maging lider ako, ni hindi ka pa nga marunong maglakad! Hindi ba’t sa akin mo natutunan ang ilang bagay na sinasabi mo? At ngayon sinusubukan mo pa akong turuan ng leksiyon. Talagang hindi mo alam kung saan ka lulugar sa mundo!” Iniisip nila na kailangan ng mga tao ng isang partikular na kataasan ng ranggo para pungusan sila, kausapin sila, makipag-usap sa kanila, o magkaroon ng puso-sa-pusong usapan kasama sila. Anong uri ng tao ang mga ito? Tanging mga anticristo ang kayang magsabi ng mga ganitong bagay; ang mga normal na tao, at mga tao na may kaunting kahihiyan at kaunting katwiran, ay hindi kailanman magsasabi ng mga ganitong bagay. Kung may isang tao na nangangaral ng sermon sa inyo, mahinahong nakikipag-usap nang puso-sa-puso sa inyo, at tinutukoy ang mga problemang mayroon kayo at nagbibigay sa inyo ng ilang mungkahi, kaya ba ninyong tanggapin ito? O magkakaroon kayo ng parehong mentalidad na tulad ng sa isang anticristo? Halimbawa, sabihin nating isa kang mananampalataya sa loob na ng 10 taon ngunit hindi ka kailanman naglingkod bilang isang lider. May ibang tao na dalawang taon pa lamang nananampalataya ngunit mayroon siyang mas mataas na katayuan kaysa sa iyo, at masama ang loob mo tungkol dito. Sabihin nating nananampalataya ka sa Diyos sa loob ng 20 taon bago ka naging isang lider ng distrito sa wakas. May isang tao na naging lider ng rehiyon matapos manampalataya ng limang taon lamang at nagsisimula siyang gabayan ka, at nahihirapan kang tanggapin ito. Kung pinupungusan ka niya, hindi ka komportable, at kahit na tama siya na pungusan ka, ayaw mo pa ring tanggapin ito. Ni minsan ba ay nagtalay ka ng ganitong uri ng saloobin o mga pagpapamalas? (Oo.) Ito ay disposisyon ng isang anticristo. Sa tingin mo ba na tanging mga anticristo ang may disposisyon ng isang anticristo? Ang sinumang may disposisyon ng isang anticristo ay nasa panganib, maaaring tumahak sila sa landas ng isang anticristo, at maaaring wasakin sila ng disposisyong ito. Ganoon ang mga bagay-bagay. Kapag nagbabahaginan tayo tungkol sa diwa ng isang anticristo at naghihimay-himay tungkol dito, kasali rin dito ang mga taong may disposisyon ng isang anticristo. Masasabi ba ninyo na ang mga taong kasali rito ay ang minorya o ang mayorya? O kasali ba rito ang lahat? (Kasali rito ang lahat.) Tama, dahil ang disposisyon ng isang anticristo ay ang disposisyon ni Satanas, at ang lahat ng tiwaling tao ay nagtataglay ng disposisyon ni Satanas. Ngayon, nagbahaginan na tayo nang kaunti tungkol sa paksang ito kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan. Para sa higit pang detalye, maaaring magbigay ng ilang kongkretong halimbawa. Kayo na ang bahalang magbahaginan tungkol dito sa inyong mga pagtitipon. Habang nagbabahaginan kayo, huwag palaging pag-usapan kung kumusta na ang ibang tao. Siyempre, hindi maiiwasan ang pagbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng iba, ngunit dapat pangunahin ninyong pagbabahaginan ang sarili ninyong mga pagpapamalas. Kung matutuklasan ninyo sa inyong sarili ang ilang pagpapamalas o mga pagpapakita na nauugnay sa disposisyon ng isang anticristo, ito ay makatutulong at magiging kapaki-pakinabang sa inyong pagkakilala sa sarili, at matutulungan kayo nito na maalis ang disposisyong iyon sa inyo.
Nagbahaginan na tayo dati tungkol sa paksa ng iba’t ibang pagpapamalas ng disposisyon ng isang anticristo—nagagawa na ba ninyo ngayon na ikumpara ang inyong sarili sa mga ito? Nagtamo na ba kayo ng kaunting pagkaunawa? Kaya na ba ninyong lutasin ang ilang tunay na problema? Anumang aspekto ng inyong mga tiwaling disposisyon ang babaguhin ninyo, lahat ito ay nakakamit batay sa pag-unawa sa katotohanan bilang pundasyon, pagkumpara sa inyong sarili sa katotohanan, at pagkatapos ay pag-unawa sa inyong sarili. Samakatuwid, ang magawang kilatisin at himay-himayin ang iba’t ibang pagpapamalas ng isang tiwaling disposisyon ay isang landas na kailangan ninyong tahakin pagdating sa pagkilala sa inyong sarili at pagtatamo ng pagbabago ng disposisyon. Naiintindihan na ba ninyo ang puntong ito? Ang ilan sa inyo ay maaaring hindi pa, at iniisip na, “Palagi Kang nagbabahagi tungkol sa mga walang kabuluhang paksa at mga bagay-bagay na ito; Hindi Ka kailanman nagsasalita tungkol sa ilang malalalim na katotohanan o nagbubunyag ng anumang malalalim na misteryo. Masyadong nakakabagot at nakakainip ito! Ano ang kinalaman ng mga bagay na ito na ibinabahagi Mo sa aming pagpasok sa kaharian ng langit, pagtamo ng malalaking pagpapala, at pagpeperpekto sa amin sa hinaharap?” Hindi kailanman nakakaunawa ang mga taong ito; inaantok sila habang nakikinig sa mga bagay na ito. Ang mga taong walang espirituwal na pagkaunawa ay hindi nakakaunawa rito; hindi nila nauunawaan ang iba’t ibang kalagayan ng tao na tinutukoy ng bawat katotohanan, o ang mga kaugnayan sa pagitan ng iba’t ibang katotohanan. Hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Habang mas detalyado ang paliwanag na ibinibigay mo sa kanila, lalo lang silang nalilito at mas kaunti ang tinatanggap nila, kaya lagi silang inaantok. Kapag nagsimula ang isang pagtitipon, kumakanta at sumasayaw sila, at hindi sila inaantok kahit gaano pa man na nakababagot o paulit-ulit ang mga panuntunan at seremonya. Gayunpaman, sa oras na nagbahagi ka tungkol sa katotohanan at sa iba’t ibang kalagayan ng mga tao, nagsisimula silang antukin. Ano ba ang nangyayari sa mga tao na laging inaantok nang ganoon? Hindi ba’t nabunyag na sila? Ito ay isang pagpapamalas ng hindi pagmamahal sa katotohanan, hindi ba? Pagdating sa mga detalye ng iba’t ibang katotohanan na may kinalaman sa buhay pagpasok, ang mga taong tunay na naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng partikular na kakayahan ay mas nakakaunawa sa mga ito habang lalo nilang napapakinggan ang mga ito, samantalang ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan at walang espirituwal na pagkaunawa ay lalo lang nalilito habang mas napapakinggan nila ang mga ito. Habang mas nakikinig sila, lalong nagiging nakakabagot ang mga ito para sa kanila, at kahit gaano pa sila katagal makinig, ganoon pa rin ang nararamdaman nila; wala silang marinig na landas sa mga ito. Pakiramdam nila, hindi naman talaga ganoon kakomplikado ang mga bagay na may kinalaman sa buhay pagpasok, kaya hindi kailangang masyadong magbahagi tungkol sa mga ito. Ganito ang mga taong walang espirituwal na pagkaunawa. Ang pagbabago ng disposisyon ay may kasamang napakaraming katotohanan. Kung, sa landas ng paghahangad na baguhin ang kanilang disposisyon ay hindi gumugugol ng oras at pagsisikap ang mga tao sa bawat katotohanan, at kung hindi sila nagtatamo ng pagkaunawa, pagkaarok, at kaalaman sa bawat katotohanan, at nakakahanap ng landas ng pagsasagawa, kung gayon, tiyak na hindi sila makakapasok sa anumang katotohanan. Ano ang paraan para makilala ng mga tao ang Diyos? Ito ay sa pamamagitan ng pagkaunawa at pagpasok sa lahat ng iba’t ibang katotohanan; ito lamang ang paraan. Dagdag pa rito, ang bawat katotohanan ay hindi isang uri ng teorya o kaalaman o pilosopiya; ito ay may kinalaman sa buhay ng mga tao at sa estado ng kanilang pag-iral, sa kanilang kalagayan at sa mga bagay na iniisip nila araw-araw, at sa iba’t ibang kaisipan, ideya, layunin, at saloobin na nabubuo nila sa ilalim ng pangingibabaw ng kanilang mga tiwaling diwa. Kaya, ito ang mga paksang pinag-uusapan natin. Kapag naintindihan na ninyo ang mga paksang ito, naiugnay ang mga ito sa inyong sarili, natuklasan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at nakilala ang iba’t ibang kalagayan at pananaw na nabubuo ng inyong iba’t ibang disposisyon, talagang mauunawaan mo na ang mga katotohanang nauugnay sa mga ito, at saka ka lamang makakapagsagawa nang tumpak ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung literal mo lang na nauunawaan ang mga salita, at kapag nakikita mo ang paglalantad ng Diyos sa pagiging makasarili at kasuklam-suklam ng mga anticristo, iniisip mo na, “Makasarili at kasuklam-suklam ang mga anticristo, ngunit ako mismo ay labis na walang pag-iimbot; marami akong maibibigay na pagmamahal, ako ay mapagparaya, ipinanganak ako sa isang pamilya ng mga iskolar, nakatanggap ako ng mas mataas na edukasyon, at naimpluwensiyahan ako ng mga sikat na personalidad at mga obra-maestra, hindi ako makasariling tao”—ang pagsasabi ba ng mga bagay na ito ay pagtanggap sa katotohanan? Ito ba ay pagkakakilala sa iyong sarili? Halata talaga na hindi mo nauunawaan ang partikular na katotohanang ito, o ang iba’t ibang kalagayan na saklaw ng partikular na katotohanang ito. Kapag nauunawaan mo ang iba’t ibang kalagayan na binabanggit at inilalantad ng Diyos na saklaw ng isang partikular na katotohanan, at naikukumpara mo ang iyong sarili sa mga ito at natutuklasan ang mga tumpak na prinsipyo ng pagsasagawa, makakatahak ka na sa landas ng pagsasagawa sa katotohanan, at makakapasok ka na sa katotohanang realidad. Kung hindi mo pa nagawa ito, kung gayon, isang doktrina lang ang naunawaan mo; hindi mo naunawaan ang katotohanan. Katulad ito ng paksang pinag-usapan pa lang natin, tungkol sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan. Ang iba’t ibang kalagayan, pagpapamalas, at pagpapakita na pinagbahaginan natin ay may kinalaman lahat sa kalikasang diwa at disposisyon ng isang anticristo. Ilan sa mga ito ang nauunawaan mo? Ilan sa mga ito ang naikumpara mo sa iyong sarili? Ang mga pahayag, detalye, at kalagayang nakapaloob sa paksang ito na naarok mo ay may kaugnayan ba sa ibang tao o sa iyo? Ikaw ba mismo ay may koneksiyon sa mga kalagayang ito? Tunay mo bang naiugnay ang mga ito sa iyong sarili, o atubili mo lang na kinilala at sinang-ayunan ang mga ito? Nakadepende ito sa iyong pagkaarok at sa iyong saloobin sa katotohanan. Ang pag-uugnay sa mga kalagayang ito sa sarili mo ay isang paunang kinakailangan lamang para maisagawa mo ang katotohanan; hindi ito nangangahulugan na sinimulan mo nang isagawa ito. Gayunpaman, kung hindi mo maiuugnay ang mga kalagayang ito sa iyong sarili, kung gayon ay ganap kang walang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Dahil dito, kapag nakikinig ka sa mga sermon, ano ang maririnig mo? Magpapanggap ka lamang; magmumukhang tila nananampalataya ka sa Diyos, ngunit ang totoo ay hindi ka magsasagawa ayon sa Kanyang mga salita, at hindi ka makakapasok sa realidad ng Kanyang mga salita. Magiging isang karaniwang tao ka lang, isang gamit-panserbisyo, isang hambingan. Pagdating sa kung paano mo dapat ikumpara ang iyong sarili sa mga kalagayang ito at kung mo paano dapat himay-himayin ang iba’t ibang kalagayan na may kaugnayan sa mga bagay na sinabi Ko, nakasalalay ito sa sarili ninyong kaalaman. Ang magagawa Ko lang ay sabihin sa inyo ang mga salitang ito at tustusan kayo ng mga salitang ito, ngunit para sa iba, kailangang kayo mismo ang magsumikap. Matatanggap man ninyo ang mga salitang ito o hindi ay nakadepende sa inyong saloobin. Ang ilang tao ay mapagmatigas; palagi silang nagkukunwari at sinusubukang protektahan ang kanilang katayuan at reputasyon. Malinaw na mayroon silang mga problema, pero hindi nila nakikita ang mga problemang ito at hindi inaamin ang mga ito, at sila pa ang nagkukusang ilantad at himay-himayin ang iba. Dahil dito, nakikinabang dito ang iba pang mga tao, habang sila mismo ay walang nakakamit. Ang mga taong ito ay mga hangal, hindi ba? Ito ay hangal na pag-uugali. Ang punto ng pakikinig sa mga sermon ay hindi para matutunan kung paano kilatisin ang ibang tao, ni para makinig sa ngalan ng ibang tao; ito ay para ikaw mismo ang makarinig kung ano ang sinabi at makamit mo ito. Nakikinig ka sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa mga sermon, at mula sa lahat ng ito ay nauunawaan mo ang katotohanan, nakakamit ang buhay, at nakakamtan ang pagbabago sa disposisyon. May kinalaman ba ito sa ibang tao? Ang mga salitang ito ay may kinalaman sa iyo. Kung panghahawakan mo ang ganitong uri ng saloobin, maaaring mabago ka ng mga salitang ito, maging realidad mo, at tulungan kang makamtan ang pagbabago sa disposisyon.
Sa unang paksang ito, pinag-usapan natin ang iba’t ibang pagpapamalas ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan. Sa isang banda, ang pagbabahaginan sa paksang ito ay nakakatulong sa inyong lahat na maunawaan ang uri ng saloobin ng mga anticristo, at ang mga pagpapakita ng kanilang kalikasang diwa, pagdating sa bagay na ito; sa kabilang banda, nagbibigay ito sa inyo ng ilang positibong patnubay at babala. Maaari ninyong pagbahaginan at lutasin ang mga natitirang problema nang kayo mismo; ang mga ito ay sarili ninyong responsabilidad.
2. Kung Paano Tinatrato ng mga Anticristo ang Mas Malalakas Kaysa sa Kanila
Pagdating sa pagnanais ng mga anticristo na protektahan ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, hindi lang sila nagpapakita at nagbubunyag ng kanilang kalikasang diwa kapag sila ay pinupungusan—nahaharap din ang mga anticristo sa maraming iba pang uri ng sitwasyon at usapin. Kaya, ang pangalawang paksa na pagbabahaginan natin ay kung paano pinapananatili ng mga anticristo ang kanilang katayuan at reputasyon sa loob ng grupo ng mga tao. Habang nasa isang grupo ng mga tao, anong mga pag-uugali ang ipinapakita ng mga anticristo na makapaglalarawan na sa lahat ng kanilang ginagawa, sinusubukan nilang protektahan ang kanilang reputasyon at katayuan? Maliwanag ba ang paksang ito o hindi? Malaki ba o maliit ang saklaw nito? Ito ba ay tipikal o hindi? (Tipikal ito.) Ang paksang ito ay direktang nauugnay sa kalikasang diwa ng mga anticristo. Anong mga pagpapamalas ang ipinapakita ng mga anticristo habang namumuhay kasama ng grupo ng mga tao? Anong uri ng saloobin at anong mga kilos ang ginagamit nila para protektahan ang kanilang reputasyon at katayuan? Una sa lahat, kung walang katayuan ang mga anticristo, mga anticristo pa rin ba sila? (Oo.) Kailangan mong magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa konseptong ito. Huwag mong isipin na tanging ang mga tao na may katayuan ang maaaring magtaglay ng diwa ng mga anticristo at maging mga anticristo, o na ang mga ordinaryong tao na walang katayuan ay hindi mga anticristo. Sa totoo lang, napakalawak ng saklaw. Ang sinumang tao na nagtataglay ng diwa ng mga anticristo ay isang anticristo pa rin, hindi mahalaga kung siya ay may katayuan o wala, at kung siya man ay isang lider o isang ordinaryong mananampalataya; ito ay natutukoy sa pamamagitan ng kanyang diwa. Kung gayon, anong mga pagpapamalas ang ipinapakita ng mga taong may diwa ng mga anticristo habang sila ay mga ordinaryong tagasunod? Aling mga pagbubunyag ng kalikasang diwa ang nagsisilbing sapat na patunay na sila ay, sa katunayan, mga anticristo? Una, tingnan natin kung paano sila namumuhay sa loob ng mga grupo ng mga tao, kung paano nila tinatrato ang iba, at kung ano ang saloobing kinikimkim nila patungkol sa katotohanan. Ang higit na dapat nating pagbahaginan ay hindi kung ano ang kinakain ng mga anticristo, kung ano ang kanilang isinusuot, kung saan sila nakatira, o kung paano sila gumagala, kundi kung paano nila pinoprotektahan ang kanilang reputasyon at katayuan habang nasa loob ng mga grupo. Kahit na sila ay mga ordinaryong mananampalataya, palagi pa rin nilang sinusubukang protektahan ang kanilang reputasyon at katayuan, palaging nagbubunyag ng ganitong uri ng disposisyon at diwa, at ginagawa ang ganitong uri ng mga bagay. Samakatuwid, nagbibigay-daan ito sa atin na mas lalong maunawaan ang disposisyon at diwa ng mga anticristo. May katayuan man o wala ang mga anticristo, at kailanman o saan man sila naroroon, ang disposisyon at diwa ng mga anticristo ay palaging nabubunyag at naipapamalas sa kanila. Hindi ito limitado sa anumang espasyo, heograpiya, o mga tao, pangyayari, at mga bagay.
Kapag gumagawa ng tungkulin ang mga anticristo, anuman ito at kahit nasaang grupo pa sila, nagpapamalas sila ng kakaibang uri ng pag-uugali, iyon ay na sa lahat ng bagay, gusto nila palaging mamukod-tangi at nagpapakitang-gilas, palagi silang may gawing pigilan ang mga tao at kontrolin ang mga ito, gusto nilang palaging pamunuan ang mga tao at na sila ang masunod, gusto nilang palagi silang napapansin, gusto nila palaging makuha ang tingin at atensyon ng mga tao, at gusto nilang hangaan sila ng lahat. Sa tuwing sumasali ang mga anticristo sa isang grupo, kahit gaano pa karami ang bilang nito, kahit sino pa ang mga miyembro ng grupo, o kahit ano pa ang kanilang propesyon o pagkakakilanlan, pinag-iisipan munang mabuti ng mga anticristo ang mga bagay-bagay upang makita kung sino ang kapita-pitagan at namumukod-tangi, sino ang mahusay magsalita, sino ang kahanga-hanga, at sino ang kwalipikado o may katanyagan. Tinatantiya nila kung sino ang kaya nilang talunin at kung sino ang hindi nila kaya, pati na rin kung sino ang nakahihigit sa kanila at kung sino ang mas mababa. Ito ang mga unang bagay na tinitingnan nila. Matapos na mabilisang suriin ang sitwasyon, sinisimulan nilang gumawa ng aksiyono, isinasantabi at pansamantalang hindi pinapansin ang mga nasa ilalim nila. Inuuna nila ang mga pinaniniwalaan nilang mas nakatataas, ang mga medyo may katanyagan at katayuan, o ang mga may kaloob at talento. Sinusukat muna nila ang kanilang sarili sa mga taong ito. Kung ang isa man sa mga taong ito ay iginagalang ng mga kapatid, o matagal nang mananampalataya sa Diyos at nasa mabuting kalagayan, nagiging puntirya siya ng inggit ng mga anticristo, at siyempre, nakikita siya bilang kakumpitensya. Tapos, tahimik na ikinukumpara ng mga anticristo ang kanilang sarili sa mga taong ito na may katanyagan, may katayuan, at hinahangaan ng mga kapatid. Sinisimulan nilang pagnilayan ang gayong mga tao, sinusuri kung ano ang kaya nilang gawin at kung saan sila nagpakadalubhasa, at kung bakit sila pinahahalagahan ng ilang tao. Habang nanonood at nagmamasid, napapag-iisip-isip ng mga anticristo na ang mga taong ito ay mga eksperto sa isang partikular na propesyon, pati na rin ang katunayan na lubos silang iginagalang ng lahat, dahil mas matagal na silang naniniwala sa Diyos, at nakakapagbahagi sila ng isang patotoong batay sa karanasan. Itinuturing ng mga anticristo ang gayong mga tao bilang “masisila” at kinikilala ang mga ito bilang mga katunggali, at pagkatapos ay bumubuo sila ng planong pagkilos. Anong planong pagkilos? Tinitingnan nila ang mga aspekto kung saan sila mahina kung ikukumpara sa kanilang mga katunggali at pagkatapos ay magsisimulang pagbutihan sa mga aspektong ito. Halimbawa, kung hindi sila ganoon kahusay sa isang partikular na propesyon gaya ng mga ito, pag-aaralan nila ang propesyong iyon, mas magbabasa ng mga libro, mas magsasaliksik ng lahat ng iba’t ibang impormasyon, at mas hihingi ng panuto mula sa iba nang may pagkukumbaba. Makikilahok sila sa iba’t ibang uri ng gawaing may kinalaman sa propesyong iyon, habang unti-unting nadaragdagan ang karanasan at nalilinang ang sarili nilang kapangyarihan. At kapag naniniwala sila na mayroon silang kapital para makipagtuos sa kanilang mga kalaban, madalas silang sumusulong para ipahayag ang kanilang sariling “napakatalinong mga pananaw,” at madalas nilang sadyang pinabubulaanan at minamaliit ang kanilang mga kalaban, para ipahiya sila at dumihan ang kanilang mga pangalan, at sa gayon ay mabigyang-diin kung gaano sila katalino at kakatangi-tangi, at supilin ang kanilang mga kalaban. Nakikita ng mga taong may matalas na pag-unawa ang lahat ng bagay na ito, tanging ang mga hangal at mangmang at walang pagkilatis ang hindi nakakakita nito. Ang nakikita lang ng karamihan sa mga tao ay ang kasigasigan ng mga anticristo, ang kanilang paghahangad, pagdurusa, pagbabayad ng halaga, at panlabas na mabuting pag-uugali, pero ang tunay na sitwasyon ay nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo. Ano ang kanilang pangunahing layunin? Ito ay ang magkamit ng katayuan. Ang puntirya kung saan nakasentro ang lahat ng kanilang gawain, ang lahat ng kanilang pagpapakapagod, at ang lahat ng halagang ibinabayad nila ay ang bagay na nasa puso nila na kanilang sinasamba higit sa lahat: ang katayuan at kapangyarihan.
Upang magkamit ng kapangyarihan at katayuan, ang unang ginagawa ng mga anticristo sa iglesia ay ang subukang kunin ang tiwala at pagpapahalaga ng ibang tao, para makakumbinsi sila ng mas maraming tao, at mahikayat ang mas maraming tao na tingalain at sambahin sila, sa gayon ay makamit ang kanilang layon na siyang magkaroon ng huling salita sa iglesia, at humawak ng kapangyarihan. Pagdating sa pagkakaroon ng kapangyarihan, pinakabihasa sila sa pakikipagkompetensiya at pakikipaglaban sa ibang tao. Ang mga taong naghahangad sa katotohanan, na may katanyagan sa iglesia, at minamahal ng mga kapatid, ay ang kanilang pangunahing katunggali. Ang sinumang tao na nagbabanta sa kanilang katayuan ay ang kanilang katunggali. Nakikipagkompetensiya sila sa mga mas malakas sa kanila nang hindi natitinag; at nakikipagkompetensiya sila sa mga mas mahina sa kanila, nang walang anumang nararamdaman na awa. Ang puso nila ay puno ng mga pilosopiya ng labanan. Naniniwala sila na kung ang mga tao ay hindi nakikipagkompetensiya at nakikipaglaban, hindi sila makakakuha ng anumang pakinabang, at na makukuha lamang nila ang mga bagay na gusto nila sa pamamagitan ng pakikipagkompetensiya at pakikipaglaban. Upang magtamo ng katayuan, at makakuha ng nangungunang posisyon sa isang grupo ng mga tao, gagawin nila ang lahat para makipagkompetensiya sa iba, at hindi nila pinapalampas ang kahit isang tao na nagsisilbing banta sa kanilang posisyon. Kahit sino ang kanilang nakakasalamuha, puno sila ng pagnanais na makipaglaban, at kahit habang tumatanda na sila, lumalaban pa rin sila. Madalas nilang sinasabi na: “Kaya ko bang talunin ang taong iyon kung makikipagkompetensiya ako sa kanila?” Ang sinumang mahusay magsalita, at kayang magsalita sa isang lohikal, nakabalangkas, at sistematikong paraan, ay nagiging puntirya ng kanilang inggit at panggagaya. Dagdag pa rito, nagiging katunggali nila ito. Ang sinumang naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng pananalig, at kayang tumulong at sumuporta sa mga kapatid nang madalas, at nakapagpapaahon sa kanila mula sa pagiging negatibo at mahina, ay nagiging katunggali rin nila, pati na rin ang sinumang eksperto sa isang partikular na propesyon, at medyo pinahahalagahan ng mga kapatid. Ang sinumang nakakakuha ng mga resulta sa kanilang gawain, at nagtatamo ng pagkilala ng Itaas, ay natural na nagiging mas malaking katunggali para sa kanila. Ano ang mga kasabihan ng mga anticristo, kahit saang grupo man sila naroroon? Ibahagi ang inyong mga kaisipan. (Ang pakikipaglaban sa ibang tao at sa Langit ay isang walang katapusang kasiyahan.) Hindi ba’t kabaliwan ito? Kabaliwan ito. May iba pa bang gustong magsalita? (Diyos ko, hindi kaya iniisip nila na: “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa”? Ibig sabihin, gusto nila na maging sila ang pinakamataas, at kahit sino pa ang kasama nila, palagi nilang gustong higitan ang mga ito.) Isa ito sa kanilang mga ideya. Sino pa ang may sasabihin? (Diyos ko, naisip ko ang apat na salita: “Ang panalo ay hari.” Sa tingin Ko, gusto nila palagi silang nakalalamang kaysa sa iba at mamukod-tangi, saan man sila naroroon, at nagsisikap sila na maging pinakamataas.) Karamihan sa sinabi ninyo ay mga uri ng ideya; subukan ninyong gumamit ng isang uri ng pag-uugali para ilarawan sila. Hindi kinakailangang naisin ng mga anticristo na mag-okupa ng pinakamataas na posisyon saan man sila naroroon. Sa tuwing pumupunta sila sa isang lugar, mayroon silang disposisyon at mentalidad na pumupuwersa sa kanila na kumilos. Ano ang pag-iisip na ito? Ito ay “Kailangan kong makipagkumpitensya! Makipagkumpitensya! Makipagkumpitensya!” Bakit tatlong “makipagkumpitensya,” bakit hindi iisang “makipagkumpitensya”? (Kumpetisyon na ang naging buhay nila, namumuhay sila ayon dito.) Ito ang kanilang disposisyon. Isinilang sila na may disposisyon na napakayabang at mahirap pigilan, iyon ay ang pagturing nila sa kanilang sarili bilang pinakamagaling sa lahat, at pagiging lubhang mapagmataas. Walang makapipigil sa kanilang napakayabang na disposisyon; sila rin mismo ay hindi ito makontrol. Kaya ang buhay nila ay tungkol lamang sa pakikipaglaban at pakikipagkumpitensya. Ano ang ipinaglalaban at pinagkukumpitensyahan nila? Karaniwan, nakikipagkumpitensya sila para sa kasikatan, pakinabang, katayuan, dangal, at sarili nilang mga interes. Anumang mga pamamaraan ang kailangan nilang gamitin, basta’t nagpapasakop ang lahat sa mga ito, at basta’t natatamo nila ang mga pakinabang at katayuan para sa kanilang sarili, nakamit na nila ang kanilang mithiin. Ang kagustuhan nilang makipagkumpitensya ay hindi isang pansamantalang libangan; ito ay isang uri ng disposisyon na nagmumula sa satanikong kalikasan. Katulad ito ng disposisyon ng malaking pulang dragon na nakikipaglaban sa Langit, nakikipaglaban sa lupa, at nakikipaglaban sa mga tao. Ngayon, kapag nakikipaglaban at nakikipagkumpitensya ang mga anticristo sa iba sa iglesia, ano ang gusto nila? Walang duda, nakikipagkumpitensya sila para sa reputasyon at katayuan. Ngunit kung magtamo sila ng katayuan, ano ang silbi nito sa kanila? Anong buti ang idudulot sa kanila kung pakinggan, hangaan, at sambahin sila ng iba? Ni hindi nga ito maipaliwanag ng mga anticristo mismo. Ang totoo, gusto nilang magtamasa ng reputasyon at katayuan, na ngitian sila ng lahat ng tao, at batiin sila nang may pambobola at papuri. Kaya, tuwing pumupunta sa iglesia ang isang anticristo, isa lang ang ginagawa nila: nakikipaglaban at nakikipagkumpitensya sa iba. Kahit magkaroon sila ng kapangyarihan at katayuan, hindi pa sila tapos. Para maprotektahan ang kanilang katayuan at masiguro ang kanilang kapangyarihan, patuloy silang nakikipaglaban at nakikipagkumpitensya sa iba. Gagawin nila ito hanggang sa mamatay sila. Kaya, ang pilosopiya ng mga anticristo ay, “Hangga’t buhay ka, huwag kang tumigil sa pakikipaglaban.” Kung may isang masamang taong katulad nito sa loob ng iglesia, makakaistorbo ba ito sa mga kapatid? Halimbawa, sabihin nating tahimik na kumakain at umiinom ang lahat ng mga salita ng Diyos at nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, at ang atmospera ay payapa at masaya ang lagay ng kalooban. Sa panahong ito, magngingitngit sa kawalang-kasiyahan ang isang anticristo. Maiinggit siya sa mga nagbabahaginan tungkol sa katotohanan at kinamumuhian niya ang mga ito. Sisimulan niyang tuligsain at husgahan ang mga ito. Hindi ba nito maiistorbo ang payapang kapaligiran? Masamang tao siya na dumating para gambalain at inisin ang iba. Ganyan ang mga anticristo. Kung minsan, walang balak ang mga anticristo na sirain o talunin ang mga kinukumpitensya at sinusupil nila; basta’t nagtatamo sila ng reputasyon, katayuan, pagpapahalaga sa sarili, at dangal, at napapahanga nila ang mga tao, nakamit na nila ang kanilang mithiin. Habang nakikipagkompetensiya sila, nagpapakita sila ng medyo malinaw na satanikong disposisyon. Anong disposisyon ito? Ibig sabihin, sa anumang iglesia sila nagpapakita, palagi nilang gustong makipagkompetensiya at makipaglaban sa ibang tao, palagi nilang gustong makipagkompetensiya para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at nararamdaman lamang nila na naisakatuparan na nila ang kanilang layon kapag nasadlak ang iglesia sa kaguluhan at kaligaligan, at kapag nagkamit na sila ng katayuan at ang lahat ay sumusuko na sa kanila. Ito ang kalikasan ng mga anticristo, ibig sabihin, ginagamit nila ang kompetisyon at pakikipaglaban para matamo ang kanilang mga layon.
Ano ang kasabihan ng mga anticristo, kahit nasaang grupo man sila? “Dapat akong makipagkompitensya! Makipagkompitensya! Makipagkompitensya! Dapat akong makipagkompitensya upang maging pinakamataas at pinakadakila!” Ito ang disposisyon ng mga anticristo; kahit saan sila pumunta, sila ay nakikipagkompitensya at sumusubok na kamtin ang kanilang mga layon. Sila ang mga tagasunod ni Satanas, at ginagambala nila ang gawain ng iglesia. Ang disposisyon ng mga anticristo ay ganito: Nagsisimula sila sa pagtingin-tingin sa iglesia para makita kung sino ang maraming taon nang nananalig sa Diyos at mayroong kapital, sino ang may ilang kaloob o talento, sino ang naging kapaki-pakinabang sa mga kapatid sa kanilang buhay pagpasok, sino ang may higit na katanyagan, sino ang may mataas na ranggo, sino ang pinupuri ng mga kapatid, sino ang may mas maraming positibong bagay. Ang mga taong iyon ang magiging kakompitensiya nila. Sa kabuuan, tuwing nasa isang grupo ng mga tao ang mga anticristo, ito ang palagi nilang ginagawa: Sila ay nakikipagkompitensya para sa katayuan, nakikipagkompitensya para sa magandang reputasyon, nakikipagkompitensya para sila ang may huling salita sa mga bagay-bagay at ang may karapatan na gumawa ng mga desisyon sa grupo, na, kapag nakamit na nila ito, ay nagpapasaya sa kanila. Nakakagawa ba sila ng aktuwal na gawain matapos nilang makamit ang mga bagay na ito? Tiyak na hindi, hindi sila nakikipagkompetensiya at nakikipaglaban para gumawa ng aktuwal na gawain; ang layon nila ay ang madaig ang lahat. “Wala akong pakialam kung handa kang sumuko sa akin o hindi; kung kapital ang pag-uusapan, ako ang pinakamagaling, pagdating sa mga kasanayan sa pagsasalita, ako ang pinakamahusay, at pagdating sa mga kaloob at talento, ako ang may pinakamarami.” Anuman ang larangan, palagi nilang gustong makipagkompetensiya para sa nangungunang puwesto. Kung nagpapasya ang mga kapatid na maging superbisor ang mga anticristo, makikipagkompetensiya ang mga anticristo sa kanilang mga katuwang para magkaroon ng huling salita at karapatan na gumawa ng mga desisyon. Kung ipinapangangasiwa sa kanila ng iglesia ang isang partikular na gawain, igigiit nila na sila ang masusunod sa kung paano ito isasakatuparan. Gugustuhin nila na magsikap para magtagumpay at maging realidad ang lahat ng kanilang sinasabi at ang lahat ng bagay na kanilang pinagpapasyahan. Kung panghahawakan ng mga kapatid ang ideya ng ibang tao, papalampasin ba nila ito? (Hindi.) Magkakaroon ng gulo. Kung hindi ka makikinig sa kanila, tuturuan ka nila ng leksyon, ipaparamdam nila sa iyo na hindi mo kaya nang wala sila, at ipapakita sa iyo kung ano ang magiging mga kahihinatnan kung hindi mo sila susundin. Ganito kapalalo, kakasuklam-suklam, at ka-di-makatwiran ang disposisyon ng mga anticristo. Wala silang konsensya ni katwiran, ni wala sila kahit kaunting bahid ng katotohanan. Nakikita ng isang tao sa mga kilos at gawa ng isang anticristo na ang ginagawa niya ay wala sa katwiran ng isang normal na tao, at bagama’t maaaring magbahagi sa kanya ang isang tao tungkol sa katotohanan, hindi niya iyon tinatanggap. Gaano man katama ang sinasabi mo, hindi iyon katanggap-tanggap sa kanya. Ang tanging gusto niyang hangarin ay reputasyon at katayuan, na kanyang pinagpipitaganan. Basta’t natatamasa niya ang mga pakinabang ng katayuan, kontento na siya. Pinaniniwalaan niyang ito ang kahalagahan ng kanyang pag-iral. Anumang grupo ng mga tao ang kanyang kinabibilangan, kailangan niyang ipakita sa mga tao ang “liwanag” at “init” na ibinibigay niya, ang kanyang mga talento, ang kanyang pagiging natatangi. At ito ay dahil naniniwala siyang espesyal siya kaya likas sa kanyang isipin na dapat siyang tratuhin nang mas mabuti kaysa sa mga ordinaryong tao, na dapat siyang tumanggap ng suporta at paghanga ng mga tao, na dapat siyang tingalain ng mga tao, sambahin siya—iniisip niyang ang lahat ng ito ay naaangkop sa kanya. Hindi ba garapal at walang kahihiyan ang gayong mga tao? Hindi ba problema ang magkaroon ng gayong mga tao sa iglesia? Kapag may nangyayari, natural lang na dapat makinig ang mga tao sa sinumang nagsasalita nang tama, magpasakop sa sinumang nagbibigay ng isang mungkahi na kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at tanggapin ang mungkahi ng sinuman na siyang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung may sasabihin ang mga anticristo na hindi naaayon sa mga prinsipyo, maaaring hindi sila pakikinggan ng lahat o tatanggapin ang kanilang mungkahi. Sa ganoong sitwasyon, ano ang gagawin ng mga anticristo? Patuloy nilang sisikapin na ipagtanggol at pangatwiranan ang kanilang sarili, at mag-iisip ng mga paraan upang makumbinsi ang iba, at mahikayat ang mga kapatid na pakinggan sila at tanggapin ang kanilang mungkahi. Hindi nila isinasaalang-alang kung ano ang maaaring maging epekto nito sa gawain ng iglesia kung tinanggap ang kanilang mungkahi. Wala ito sa loob ng saklaw ng mga bagay na kanilang isinasaalang-alang. Ano ang tanging bagay na kanilang isasaalang-alang? “Kung hindi tatanggapin ang aking mungkahi, saan ko maipapakita ang aking mukha? Kaya, kailangan kong makipagkompetensiya, at magsikap para matanggap ang aking mungkahi.” Sa tuwing may nangyayari, ganito sila mag-isip at kumilos. Hindi sila kailanman nagninilay-nilay kung naaayon ba ito sa mga prinsipyo o hindi, at hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan. Ito ang disposisyon ng mga anticristo.
Ano ang pangunahing pagpapamalas ng ganap na kawalan ng katwiran ng mga anticristo? Naniniwala sila na mayroon silang mga kaloob, na sila ay magaling, nagtataglay ng mahusay na kakayahan, at na dapat silang sambahin at suportahan ng ibang tao, at ilagay sa isang mahalagang posisyon ng sambahayan ng Diyos. Higit pa rito, naniniwala sila na dapat tanggapin at isulong ng sambahayan ng Diyos ang lahat ng mungkahi at ideya na inihahain nila, at kung hindi ito tatanggapin ng sambahayan ng Diyos, magagalit sila nang husto, lalabanan ang sambahayan ng Diyos, at magtatayo ng kanilang sariling mga kaharian. Hindi ba’t ang pagpapakitang ito ng disposisyon at diwa ng mga anticristo ay nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa iglesia? Maaaring sabihin na ang lahat ng kilos ng mga anticristo ay nagsasanhi ng napakalaking pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kapag nakikipagkumpitensya ang mga anticristo para sa mga posisyon ng pamumuno sa iglesia at sa kasikatan sa gitna ng mga taong hinirang ng Diyos, gumagamit sila ng lahat ng paraang kaya nila para atakihin ang iba at itaas ang kanilang sarili. Hindi nila iniisip kung gaano nila maaaring masira nang husto ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos. Ang iniisip lamang nila ay kung mapapalugod ba ang kanilang mga ambisyon at pagnanasa, at kung magiging tiyak ba ang sarili nilang katayuan at reputasyon. Ang kanilang papel sa mga iglesia at sa gitna ng mga taong hinirang ng Diyos ay bilang mga demonyo, bilang ang masasama, bilang mga kampon ni Satanas. Hinding-hindi sila mga taong tunay na naniniwala sa Diyos, ni hindi sila mga tagasunod ng Diyos, lalong hindi sila mga taong nagmamahal at tumatanggap sa katotohanan. Kapag hindi pa natatamo ang kanilang mga intensiyon at layon, hindi nila kailanman pinagninilayan at kinikilala ang kanilang sarili, hindi nila kailanman pinagninilayan kung ang kanilang mga intensiyon at layon ay nakaayon sa katotohanan, hindi nila kailanman sinasaliksik kung paano tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan para makamit ang kaligtasan. Hindi sila nananampalataya sa Diyos at pumipili ng landas na dapat nilang tahakin nang may mapagpasakop na isipan. Sa halip, pinipiga nila ang kanilang utak, iniisip na: “Paano ko mararating ang posisyon ng isang lider o ng isang manggagawa? Paano ako makikipagkompitensya sa mga lider at manggagawa ng iglesia? Paano ko malilihis at makokontrol ang mga taong hinirang ng diyos, at gawing tau-tauhan lamang si cristo? Paano ako makakakuha ng puwesto para sa aking sarili sa iglesia? Paano ko matitiyak na mayroon akong matatag na posisyon sa iglesia at nakapagkakamit ng katayuan, masisiguro na magtatagumpay ako at hindi mabibigo, at matatamo sa huli ang aking layunin na kontrolin ang mga hinirang ng diyos at magtatag ng sarili kong kaharian?” Ito ang mga bagay na iniisip ng mga anticristo sa mga araw at gabi. Anong disposisyon at kalikasan ito? Halimbawa, kapag nagsusulat ng mga artikulo ng patotoo ang mga ordinaryong kapatid, iniisip nila kung paano tapat na maipapahayag ang kanilang mga karanasan at pagkaunawa sa pamamagitan ng pagsulat. Kaya, nananalangin sila sa harap ng Diyos nang umaasa na pagkakalooban sila ng Diyos ng higit pang kaliwanagan tungkol sa katotohanan, at bigyang-daan sila na makapagtamo ng mas malaki at malalim na pagkaunawa rito. Samantalang kapag nagsusulat ng mga artikulo ang mga anticristo, pinipiga nila ang kanilang utak sa pagninilay-nilay kung paano susulat sa paraan na mas maraming tao ang makakaintindi sa kanila, makakakilala sa kanila, at hahangaan sila, at sa gayon ay magkakamit sila ng katayuan sa isipan ng mas maraming tao. Nais nilang gamitin itong pinakaordinaryo at pinakamaliit na bagay para madagdagan ang kanilang kasikatan. Ni hindi nila kayang palampasin ang ganitong uri ng pagkakataon. Anong klaseng tao sila? Kapag nakikita ng ilang anticristo na nakapagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ang ibang tao, nagnanais sila na sumulat ng isang bagay na mas kamangha-mangha kaysa sa patotoong batay sa karanasan ng sinuman, sa pagsisikap na makipagkompetensiya sa mga ito para sa katayuan at katanyagan. At dahil dito, nag-iimbento at nangongopya sila ng mga kuwento. Nangangahas pa nga sila na gumawa ng mga bagay-bagay gaya ng pekeng patotoo. Para sumikat sila, para makilala ng mas maraming tao, at mapalaganap ang kanilang pangalan, hindi nag-aatubuli ang mga anticristo na gumawa ng iba’t ibang kahiya-hiyang bagay. Ni hindi nila pinapalampas maging ang pinakamaliit na pagkakataon para maging kilala, para magkamit ng katayuan, at mapahalagahan sa isang grupo ng mga tao at matrato nang may espesyal na paggalang. Ano ang layunin ng pagtrato nang may espesyal na paggalang? Anong mga kahihinatnan at mga layunin ang nais makamit ng mga anticristo? Nais ng mga anticristo na ituring sila ng iba bilang mga pambihirang tao, mga tao na mas marangal kaysa kaninuman, at mahusay sa ilang partikular na larangan; nais nilang mag-iwan ng magandang impresyon sa isipan ng iba, isang malalim na impresyon, at unti-unti pa nga nilang itinutulak ang ibang tao na kainggitan, hangaan, at tingalain sila. Habang nagsusumikap sila sa abot ng kanilang makakaya para matamo ang layong ito, patuloy rin nilang tinatahak ang parehong landas na tinatahak nila noon.
Kahit anong grupo ng mga tao sila kasama, hindi mahalaga kung nagkukunwari sila o nagpapakapagod, ang nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo ay walang iba kundi isang pagnanais para sa katayuan. Ang diwa na ipinapakita at ipinamamalas nila ay walang iba kundi ang pakikipaglaban at pakikipagkompetensiya. Anuman ang ginagawa ng mga anticristo, nakikipagkompetensiya sila sa iba para sa katayuan, dangal, at mga interes. Ang pinakakaraniwang pagpapamalas nito ay ang pakikipagkompetensiya para sa isang magandang pangalan, magandang pagtatasa, at katayuan sa isipan ng mga tao, upang pahalagahan at sambahin sila ng mga tao, at nakatuon at nakasentro ang mga ito sa kanila. Ito ang landas na tinatahak ng mga anticristo; ito ang ipinaglalaban ng mga anticristo. Hindi mahalaga kung paano kinokondena at hinihimay-himay ng mga salita ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi tatanggapin ng mga anticristo ang katotohanan, o tatanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, o bibitiwan ang mga bagay na ito na hinahatulan at kinokondena ng Diyos. Sa kabaligtaran, habang mas inilalantad ng Diyos ang mga bagay na ito, mas nagiging tuso ang mga anticristo. Gumagamit sila ng mga mas tago at tusong paraan para hangarin ang mga bagay na ito, nang sa gayon ay hindi makita ng mga tao ang kanilang ginagawa, at maling paniniwalaan na binitiwan na nila ang mga bagay na ito. Habang mas inilalantad ng Diyos ang mga bagay na ito, mas lalong naghahanap ng mga paraan ang mga anticristo na gumamit ng mga mas mapanlinlang at mas mautak na pamamaraan para hangarind at kamtin ang mga ito. Dagdag pa rito, gumagamit sila ng magagandang-pakinggan na salita para itago ang kanilang mga lihim na motibo. Sa kabuuan, lubos na hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, hindi nagninilay-nilay sa kanilang pag-uugali, o lumalapit sa Diyos nang nagdarasal at naghahanap sa katotohanan. Sa kabaligtaran, mas lalo pa nga silang hindi nasisiyahan sa kanilang puso sa paglalantad at paghatol ng Diyos, hanggang sa punto na pinanghahawakan nila ang isang mapanlaban na saloobin patungkol sa mga bagay na ito. Bukod sa hindi nila isinusuko ang kanilang paghahangad ng reputasyon at katayuan, mas lalo pa nilang pinahahalagahan ang mga bagay na ito, at nag-iisip sila ng mga paraan para ilihim at itago ang paghahangad na ito, at para pigilan ang mga tao na makilatis at makita ito. Anuman ang sitwasyon, hindi lamang nabibigo ang mga anticristo na isagawa ang katotohanan, kundi, kapag nabubunyag ang kanilang tunay na kulay, ibig sabihin, kapag hindi sinasadyang naipapakita nila itong mga ambisyon at pagnanais nila, mas nag-aalala sila na makikilatis ng iba ang kanilang diwa at tunay na mukha batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, kaya, sinisikap nilang itago ito, at ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para ipagtanggol ang kanilang sarili. Ano ang layunin nila sa pagtatago nito? Ito ay para protektahan ang kanilang katayuan at reputasyon mula sa pagdanas ng mga kawalan, at upang mapanatili ang kanilang lakas para sa susunod nilang pakikipaglaban. Ito ang diwa ng mga anticristo. Anumang oras o sitwasyon, ang mga layon at direksiyon ng kanilang pag-asal ay hindi magbabago, pati na rin ang mga layon nila sa buhay, o ang mga prinsipyo sa likod ng kanilang mga kilos, o ang pagnanais, ambisyon, at pakay sa kaibuturan ng kanilang puso na maghangad ng katayuan. Bukod sa gagawin nila ang kanilang makakaya para sikaping makamit ang katayuan, paiigtingin nila ang kanilang pagsusumikap para matamo ito. Habang mas nagbabahagi ang sambahayan ng Diyos sa katotohanan, mas lalo silang mautak na umiiwas sa paggamit ng ilang malinaw na pag-uugali at pagpapamalas na nakikita at nakikilatis ng ibang tao. Magpapalit sila ng ibang uri pamamaraan, at mapait na iiyak habang inaamin ang kanilang mga pagkakamali at kinokondena ang kanilang sarili, nakukuha ang simpatiya ng mga tao, maling pinapaniwala ang mga tao na nagsisi at nagbago na sila, at ginagawa nilang mas mahirap para sa mga tao na makilatis sila. Ano ang diwang ito ng mga anticristo? Hindi ba’t medyo mapanlinlang ito? (Oo, ganoon nga.) Kapag ganito kamapanlinlang ang mga tao, sila ay mga diyablo. Kaya ba ng mga diyablo na tunay na magsisi? Kaya ba talaga nilang isantabi ang kanilang ambisyon at pagnanais na hangarin ang katayuan? Mas gugustuhin pa ng mga diyablo na mamatay kaysa sa isantabi ang ambisyong ito. Kahit gaano mo ibahagi sa kanila ang katotohanan, magiging walang silbi ito; hindi nila isasantabi ang ambisyong ito. Kung, sa ganitong sitwasyon, ay natalo sila at inilantad sila ng mga kapatid, magpapatuloy pa rin sila sa pakikipaglaban at pakikipagkompitensiya para sa katayuan, dangal, huling salita, at karapatan na gumawa ng mga desisyon kapag lumipat na sila sa susunod na grupo. Makikipagkompitensiya sila para sa mga bagay na ito. Anumang sitwasyon, o anumang grupo ng mga tao ang kinabibilangan nila, ang prinsipyo na palagi nilang sinusunod ay ang makipagkompitensya: “Ako lang ang maaaring mamuno; walang ibang pwedeng mamuno sa akin!” Talagang ayaw nilang maging mga ordinaryong tagasunod, o tumanggap ng pamumuno o tulong ng ibang tao. Ito ang diwa ng mga anticristo.
Sa iglesia, mayroon bang mga tao na nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon ngunit hindi naghahangad man lang sa katotohanan, at palaging naghahangad ng katayuan at reputasyon? Ano ang mga pagpapamalas ng mga ganitong tao? Masasabi ba ninyo na ang ganitong uri ng tao ay isang tao na palaging nagbabandera ng kanilang sarili, na mahilig lumikha ng mga orihinal na kaisipan at magbulalas ng tila mga importanteng ideya? Ano-anong uri ng mga bagay ang madalas nilang ginagawa? (May isang tao na nagpapahayag ng kanyang pananaw, at para sa lahat ng iba, tila tama ito, pero upang ipakita kung gaano sila katalino, nagsasabi sila ng ibang pananaw, na sa tingin ng mga tao ay mas tama, at na magpapabula sa pananaw ng naunang tao, sa gayon ay naipapakita kung gaano sila katalino.) Ito ay tinatawag na pagpapakitang-gilas. Tinatanggihan nila ang mga pananaw ng ibang tao, at pagkatapos ay nagsasabi sila ng kanilang sariling natatanging perspektiba, isang perspektiba na kahit sila mismo ay hindi naniwala na ito ay makatotohanan o balido—isang simpleng sawikain—subalit kailangan nilang ipakita sa mga tao kung gaano sila katalino at hikayatin ang lahat na makinig sa kanila. Kailangang palagi silang naiiba, palaging kailangang makaisip ng mga orihinal na kaisipan, at palagi silang naglilitanya ng tila mga importanteng ideya, at gaano man kaposible at kapraktikal ang sinasabi ng ibang tao, kailangan nilang bumoto laban dito, at humanap ng iba’t ibang dahilan at palusot para iwaksi ang mga pananaw ng ibang tao. Ito ang mga pinakakaraniwang pag-uugali ng mga tao na nagsisikap na makaisip ng mga orihinal na kaisipan at maglitanya ng tila mga importanteng ideya. Hindi mahalaga kung wasto o naaangkop ang mga ikinilos ng isang tao, tatanggalin at babalewalain nila ito. Kahit malinaw nilang alam na kumilos nang naaangkop ang taong ito, sinasabi pa rin nila na hindi angkop ang kanyang mga kilos, at ipinapalabas nila na para bang maaari sanang mas hinusayan ng taong ito, at na talagang hindi sila mas mababa kaysa sa taong iyon. Iniisip ng mga taong gaya nito na walang sinuman ang kasinggaling nila, na sila ay mas mahusay kaysa sa ibang tao sa lahat ng aspekto. Para sa kanila, ang lahat ng sinasabi ng ibang tao ay mali; ang ibang tao ay walang halaga, at sila mismo ay magaling sa lahat ng aspekto. Kahit na magkamali sila at mapungusan, labag sa loob nila ang magpasakop, hindi nila tatanggapin ang katotohanan kahit kaunti, at maaari din na makaisip sila ng sangkatutak na palusot, na magiging dahilan para akalain ng iba na hindi sila nagkamali, at na hindi sila dapat napungusan. Ang mga taong mahilig mag-isip ng mga orihinal na kaisipan at maglitanya ng tila mga importanteng ideya ay mayayabang at mga nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba sa ganitong paraan. Sa totoo lang, ang karamihan ng mga taong ito ay walang tunay na talento, at hindi nila magawa nang maayos ang anumang bagay, ang anumang gawin nila ay nagiging isang malaking kaguluhan. Ngunit wala silang pagkilala sa sarili, at iniisip nila na mas magaling sila kaysa sa ibang tao, at nangangahas silang makialam at makisali sa anumang ginagawa ng ibang tao, at patuloy silang naglilitanya ng tila mga importanteng ideya, palaging nagnanais na pahalagahan at pakinggan sila ng iba. Anuman ang sitwasyon, o saang grupo man sila kasama, nais lamang nila na pagsilbihan at pakinggan sila ng iba; ayaw nilang maglingkod o makinig sa sinuman. Hindi ba’t mga anticristo ito? Ganito kayabang ang mga anticristo at ganito nila inaakalang mas matuwid sila kaysa sa iba; ganito kalubha ang kawalan nila ng katwiran. Nagsasalita lamang sila tungkol sa mga paimbabaw na doktrina, at kapag tinutukoy ng iba ang kanilang mga pagkakamali, kinakailangan nilang baluktutin ang mga salita at lohika, at magsalita sa isang huwad at magandang pakinggan na paraan, para iparamdam sa mga tao na tama sila. Kahit gaano pa ka-tama ang opinyon ng isang tao, gagamitin ng mga anticristo ang kanilang kahusayan sa pagsasalita para ipalabas na mali ito, at hikayatin ang lahat na tanggapin ang kanilang sariling opinyon. Ganitong uri ng mga tao ang mga anticristo—napakahusay nila sa panlilihis ng iba, kaya nilang ilihis ang mga tao hanggang sa malito ang mga ito, mawala sa direksiyon, at hindi na malaman kung ano ang tama at mali. Sa huli, ang lahat ng walang pagkilatis ay tuluyang malilihis at mabibihag ng mga anticristong ito. May mga taong nanlilihis sa iba nang ganito sa karamihan sa mga iglesia. Kapag nagbabahagi ng katotohanan ang hinirang na mga tao ng Diyos o nagbabahagi ng kanilang patotoong batay sa karanasan, palaging tumatayo ang mga anticristo at nagpapahayag ng kanilang sariling mga pananaw. Hindi nila binubuksan ang kanilang puso para magbahagi ng kanilang karanasan at kaalaman sa tapat na paraan; sa halip, palagi nilang tinutukoy ang mga bagay-bagay at nagbibitiw ng mga mapangbatikos at iresponsableng komento tungkol sa mga karanasan at kaalaman ng ibang tao, para ipangalandakan kung gaano sila katalino, at makamit ang kanilang pakay na mahikayat ang iba na pahalagahan sila. Ang mga anticristo ay napakabihasa sa pagsasalita tungkol sa mga salita at doktrina; hindi sila kailanman makakapagbahagi ng tunay na patotoong batay sa karanasan, at hindi sila kailanman nagsasalita tungkol sa pagkakilala sa sarili. Sa halip, palagi silang naghahanap ng mga problema sa ibang tao at pinalalaki ang mga ito. Hindi mo kailanman makikita ang mga anticristo na tumatanggap ng mga opinyon ng ibang tao nang may bukas na isipan, o maagap na nagbabahagi tungkol sa kanilang sariling mga tiwaling disposisyon at inilalantad ang kanilang sarili sa iba. Tiyak na hindi mo sila makikitang nagbabahagi tungkol sa kung ano ang mga kinimkim nilang mali at kakatwang pananaw, at kung paano nila binago ang mga ito, at tiyak na hindi mo sila naririnig na umaamin sa mga kamaliang nagawa nila o sa kanilang mga pagkukulang…. Gaano man katagal nakikisalamuha ang mga anticristo sa iba, palagi nilang ipinaparamdam sa ibang tao na wala silang anumang katiwalian, na sila ay ipinanganak na mga banal at perpektong tao, at na dapat silang sambahin ng iba. Ang mga taong tunay na nagtataglay ng katwiran ay hindi gustong pahalagahan o sambahin sila ng iba. Kung talagang pinahahalagahan at sinasamba sila ng ibang tao, itinuturing nila itong nakakahiya, dahil alam nila na mga tiwaling tao sila na may mga tiwaling disposisyon, at na hindi sila nagtataglay ng mga katotohanang realidad. Alam nila ang kanilang sariling abilidad, kaya anumang katiwalian ang ipinapakita nila, at anumang maling pananaw ang naiisip nila, kaya nilang magbahagi tungkol sa mga bagay na ito sa makatotohanang paraan at ipaalam sa iba ang tungkol sa mga ito, at kapag ginagawa nila ito, sobrang magaan, malaya at masaya ang pakiramdam nila. Hindi nila nararamdaman kahit kaunti na mahirap itong gawin. Kahit na hinuhusgahan sila ng ibang tao, minamaliit sila, tinatawag silang bobo, o kinamumuhian sila, hindi gaanong sumasama ang loob nila. Sa kabaligtaran, pakiramdaman nila ay talagang normal lang ito at kaya nila itong harapin sa wastong paraan. Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, natural na magpapakita sila ng katiwalian. Hindi mahalaga kung aaminin mo ito o hindi, isa itong katunayan. Kung kaya mong makilala ang iyong sariling katiwalian, mabuting bagay iyon, at mas mabuti pa nga kung malinaw rin itong nakikita ng iba, nang sa gayon ay hindi ka nila sasambahin o pahahalagahan. Ang mga taong nakakaunawa sa katotohanan at nagtataglay ng kaunting katwiran ay kayang magbukas ng kanilang puso at magbahagi tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili; hindi sila nahihirapan dito. Subalit napakahirap nito para sa mga anticristo. Itinuturing nilang mga hangal ang mga taong nagtatapat nang taos-puso, at itinuturing nilang mga loko-loko iyong mga nagsasalita tungkol sa kanilang pagkakilala sa sarili at iyong mga nagsasalita nang matapat. Samakatuwid, lubusang minamaliit ng mga anticristo ang mga taong iyon. Kung may isang tao na nakakaunawa sa katotohanan at lubos siyang sinasang-ayunan ng lahat, ituturing ng mga anticristo ang taong iyon bilang isang pako sa kanilang mga mata at tinik sa kanilang tagiliran, at huhusgahan at kokondenahin nila ito. Pabubulaanan nila ang mga wastong isinasagawa at ang mga positibong bagay na taglay ng taong iyon at palalabasing hindi tama at baluktot na pagkaunawa ang mga ito. Kahit sino pa ang gumagawa ng isang bagay na nakakabuti sa iglesia o sa mga kapatid, mag-iisip ang mga anticristo ng mga paraan para maliitin, kutyain, at gawing katawa-tawa ang mga ito; kahit gaano pa kabuti ang nagawa ng isang tao, o gaano man ito napakinabangan ng mga tao, iisipin ng mga anticristo na wala itong kabuluhan, at babalewalain at mamaliitin nila ito, ibinababa hanggang sa punto na magmumukha itong ganap na walang halaga. Samantala, kung gumagawa ang mga anticristo ng kaunting kabutihan, gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para ipagmalabis at palakihin ito, ipakita ito sa lahat, ipaalam na sila ang gumawa nito, at na ito ay kanilang kapuri-puring serbisyo, upang tratuhin sila ng mga kapatid nang may espesyal na paggalang, palagi silang aalalahanin, at makaramdam ang mga ito ng lubos na pasasalamat sa kanila, at matandaan kung ano ang mabuting bagay tungkol sa kanila. Ang lahat ng anticristo ay may kakayahang kumilos nang ganito, gayundin ang mga taong nagtataglay ng disposisyon ng mga anticristo. Sa askpektong ito, walang pinagkaiba ang mga anticristo sa mga mapagpaimbabaw na Pariseo; sa katunayan, mas masahol pa sila sa mga ito. Ito ang mga pinakakaraniwan at pinakalitaw na tipikal na pagpapamalas ng mga anticristo.
Ano ang saloobin na kinikimkim ng mga anticristo kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay? Gusto nilang gumawa ng mabubuting bagay sa harap ng iba, at gusto nilang gumawa ng masasamang bagay nang palihim. Gusto nilang malaman ng lahat ang mga mabubuting bagay na ginagawa nila, at pagtakpan ang lahat ng masasamang bagay para walang makakaalam tungkol dito, hanggang sa punto na wala ni isang salita ang makakalabas, at naoobliga silang gawin ang lahat ng kanilang makakaya para itago ang mga ito. Kasuklam-suklam ang ganitong disposisyon ng mga anticristo, hindi ba? Ano ang layunin ng pagkilos ng mga anticristo sa ganitong paraan? (Ito ay para pangalagaan ang kanilang reputasyon at katayuan.) Tama. Sa panlabas, mukhang hindi sila nakikipagkompetensiya para sa katayuan o nagsasabi ng kahit ano alang-alang sa katayuan, pero ang lahat ng ginagawa at sinasabi nila ay alang-alang sa pagprotekta at pagpapanatili ng kanilang katayuan, at alang-alang sa pagtataglay ng mataas na katanyagan at magandang pangalan. Minsan, nagsusumikap pa nga sila na magkaroon ng katayuan sa loob ng isang grupo nang hindi hinahayaang makita ng sinuman na ginagawa nila ito. Kahit na nagrerekomenda sila para sa isang tao, na kung saan ay nagsasagawa sila ng ilang bagay na dapat gawin ng taong ito, gusto nilang makaramdam ang taong kanilang nirekomenda ng labis na pasasalamat sa kanila, at ipaalam dito na nagkaroon lamang ito ng pagkakataon na gumampan ng tungkuling ito dahil sa kanilang rekomendasyon. Hinding-hindi palalampasin ng mga anticristo ang ganitong pagkakataon. Iniisip nila na, “Kahit na nirekomenda kita, ako pa rin ang lider mo, kaya’t hindi mo ako mahihigitan.” Malinaw na malinaw ang pagkahilig ng mga anticristo sa katayuan at reputasyon. Upang makipagkompetensiya para sa katayuan at maprotektahan ito, hindi nila pinalalampas ang kahit isang sulyap o isang hindi sinasadyang salita mula sa sinuman, lalo na ang anumang bagay na nangyayari sa sa alinmang sulok. Napapansin ng mga anticristo ang lahat ng bagay na ito, malaki man o maliit, at paulit-ulit na naglalaro sa kanilang isipan ang mga salitang sinabi ng ibang tao. Ano ang layunin nila sa paggawa nito? Nasisiyahan ba sila sa mga pakikipag-argumento? Hindi; ito ay dahil gusto nilang makahanap sa lahat ng ito ng paraan at pagkakataon para maprotektahan ang kanilang katayuan. Ayaw nilang magdusa ng mga kawalan ang kanilang katayuan o pangalan dahil sa pansamantalang kapabayaan o kawalan ng pag-iingat. Alang-alang sa katayuan, natutunan nila kung paano magkaroon ng “kabatiran” sa lahat ng bagay; sa tuwing may sinasabi ang isang kapatid na pakiramdam nila ay walang galang o nagpapahayag ng opinyong sumasalungat sa kanilang sariling opinyon, hindi nila ito pinalalagpas; sineseryoso nila ito, detalyadong nagsasaliksik at malalim na nagsusuri, at pagkatapos ay naghahanap ng naaayong tugon para harapin ang kanilang sinabi, hanggang sa punto na matibay na naitatag ang kanilang katayuan sa isipan ng lahat at lubos na hindi matitinag. Sa sandaling masira ang kanilang pangalan o makarinig sila ng ilang salita na makakapinsala rito, agad nilang susubaybayan ang pinagmulan at susubukang maghanap ng mga dahilan at paliwanag para matubos ang kanilang sarili. Samakatuwid, anuman ang tungkuling ginagawa ng mga anticristo, hindi mahalaga kung mga lider man sila at manggagawa man sila o hindi, ang bawat bagay na pinagkakaabalahan nila at ang bawat salitang binibigkas nila ay para sa kanilang katayuan, at hindi pwedeng hiwalay sa pagnanais nila na maprotektahan ang kanilang mga interes. Sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo, wala silang anumang konsepto ng pagsasagawa ng katotohanan o ng pagprotekta sa interes ng sambahayan ng Diyos. Samakatuwid, ang diwa ng mga anticristo ay tumpak na mabibigyang-depinisyon bilang ang sumusunod: Sila ay mga kaaway ng Diyos; sila ay isang grupo ng mga diyablo at Satanas na pumarito para manggulo, manggambala, at mangwasak sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Sila ay mga alipores ni Satanas; hindi sila mga tao na sumusunod sa Diyos, ni mga kasapi ng sambahayan ng Diyos, hindi rin sila mga tao na tatanggap ng pagliligtas ng Diyos.
Naantig ba kayo sa alinman sa pinagbahaginan natin ngayon? Aling bahagi ang umantig sa inyo? (Ang huling bahagi, iyon ay nang hinimay-himay ng Diyos ang mapagkumpitensiyang kalikasan ng mga anticristo.) Hindi maganda na palaging nakikipagkompitensiya. Ang pag-uugaling ito ay nauugnay sa mga anticristo at sa pagkawasak. Hindi ito mabuting landas. Ano ang dapat gawin ng mga tao kapag mayroon silang mga pagpapamalas at pagpapakitang ito? Ano ang dapat na gawin nilang pasya? Paano nila maiiwasan ang mga bagay na ito? Ito ang mga problemang dapat na pinakapinag-iisipan at pinakapinagninilay-nilayan ng mga tao ngayon, at ang mga ito rin ay mga problemang nakakaharap ng mga tao sa bawat araw. Kung paano nila maiiwasang makipagkompetensiya kapag nangyayari ang mga bagay-bagay, at kung paano nila dapat lutasin ang pasakit at pagkabalisa sa kanilang puso pagkatapos nilang makipagkompetensiya—ito ay isang problema na dapat harapin ng bawat tao. Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, kaya nakikipagkompetensiya silang lahat para sa katanyagan, pakinabang, at reputasyon, at mahirap para sa kanila na umiwas sa pakikipagkompetensiya. Kaya, kung hindi nakikipagkompetensiya ang isang tao, ibig bang sabihin nito ay naalis na niya ang disposisyon at diwa ng mga anticristo? (Hindi, ito ay isang panlabas lang na pangyayari. Kung hindi nalutas ang kanilang panloob na disposisyon, kung gayon ay hindi malulutas ang problema ng kanilang pagtahak sa landas ng mga anticristo.) Kaya, paano malulutas ang problema ng kanilang pagtahak sa landas ng mga anticristo? (Sa isang aspekto, dapat nilang maunawaan ang usaping ito, at dapat silang lumapit sa Diyos para manalangin kapag naiisip nila na magsumikap para sa katayuan. Dagdag pa rito, dapat nilang ilantad ang kanilang sarili sa mga kapatid, at pagkatapos ay sadyang maghimagsik laban sa mga hindi wastong kaisipang ito. Dapat din nilang hilingin sa Diyos na hatulan, kastiguhin, pungusan, at disiplinahin sila. Pagkatapos, magagawa na nilang tumahak sa tamang landas.) Napakagandang sagot niyan. Gayunpaman, hindi ito madaling makamit, at mas lalong mahirap ito para sa mga taong mahal na mahal ang reputasyon at katayuan. Hindi madaling talikuran ang reputasyon at katayuan—depende ito sa mga taong naghahangad sa katotohanan. Sa pag-unawa lamang sa katotohanan makikilala ng isang tao ang kanyang sarili, makikita nang malinaw ang kahungkagan ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at makikilala ang katotohanan ng katiwalian ng sangkatauhan. Saka lamang tunay na matatalikuran ng isang tao ang katayuan at reputasyon kapag nakilala niya ang kanyang sarili. Hindi madaling iwaksi ang sariling tiwaling disposisyon. Kung napansin mo na wala sa iyo ang katotohanan, na marami kang kakulangan, at nagpapakita ng masyadong maraming katiwalian, subalit hindi mo sinisikap na hangarin ang katotohanan, at nagpapanggap at nagpapaimbabaw ka, pinaniniwala mo ang mga tao na kaya mong gawin ang anumang bagay, at pagkatapos ay malalagay ka nito sa panganib—sa malao’t madali, darating ang panahon na makakasalubong ka ng mga balakid at ikaw ay babagsak. Kailangan mong aminin na wala sa iyo ang katotohanan, at buong tapang mong harapin ang realidad. Mayroon kang mga kahinaan, nagpapakita ng katiwalian, at lahat ng uri ng kakulangan ay nasa iyo. Normal lang ito, dahil isa kang karaniwang tao, hindi ka superhuman o makapangyarihan, at kailangan mong kilalanin iyan. Kapag hinahamak o tinutuya ka ng ibang mga tao, huwag kaagad tumugon nang may pagkasuklam dahil lamang sa hindi kaaya-aya ang sinasabi nila, o tanggihan ito dahil naniniwala kang mayroon kang kakayahan at perpekto ka—hindi dapat ganito ang iyong saloobin sa gayong mga salita. Ano ang dapat na maging saloobin mo? Dapat mong sabihin sa iyong sarili, “May mga pagkakamali ako, tiwali at may kapintasan ang lahat ng bagay tungkol sa akin, at ako’y isang ordinaryong tao lamang. Anuman ang kanilang paghamak at panunuya sa akin, may katotohanan ba rito? Kung parte ng sinasabi nila ay totoo, dapat ko itong tanggapin mula sa Diyos.” Kung may ganito kang saloobin, katunayan ito na kaya mong pangasiwaan nang tama ang katayuan, reputasyon, at mga sinasabi ng ibang tao patungkol sa iyo. Hindi madaling isantabi ang katayuan at reputasyon. Para sa mga taong medyo may kaloob, medyo mahusay ang kakayahan, o nagtataglay ng kaunting karanasan sa gawain, mas mahirap isantabi ang mga bagay na ito. Bagamat minsan ay sinasabi nila na isinantabi na nila ang mga ito, hindi nila magawa ang mga ito sa kaibuturan ng puso nila. Sa sandaling pinahihintulutan ng sitwasyon at mayroon silang pagkakataon, magpapatuloy silang magsumikap para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan gaya ng dati, dahil mahal ng lahat ng tiwaling tao ang mga bagay na ito, sadyang medyo mas mahina lang ang pagnanais ng mga walang kaloob o talento na maghangad ng katayuan. Ang mga may kaalaman, talento, magandang hitsura, at espesyal na kapital, ay talagang may matinding pagnanais para sa reputasyon at katayuan, hanggang sa puntong puno na sila ng ambisyon at pagnanais na ito. Ito ang pinakamahirap para sa kanila na isantabi. Kapag wala silang katayuan, ang pagnanais nila ay nasa yugtong nag-uumpisa pa lamang. Kapag nagkaroon na sila ng katayuan, kapag pinagkakatiwalaan na sila ng sambahayan ng Diyos ng ilang mahahalagang gampanin, at lalo na kung nakapagtrabaho na sila nang maraming taon at malawak na ang kanilang karanasan at malaki na ang puhunan, ang pagnanais ay hindi na bago, kundi nag-ugat na ito, namukadkad, at malapit nang magbunga. Kung ang isang tao ay palaging may pagnanais at ambisyon na gumawa ng mga dakilang bagay, maging sikat, maging isang dakilang tao, kung gayon, sa sandaling gumawa siya ng malaking kasamaan, at magkaroon ng epekto ang mga kahihinatnan nito, ganap na magiging katapusan na niya, at siya ay matitiwalag. Kaya, bago pa ito humantong sa malaking kalamidad, dapat niyang baguhin kaagad ang sitwasyon, habang may oras pa. Sa tuwing ginagawa mo ang anumang bagay, at sa anumang konteksto, dapat mong hanapin ang katotohanan, isagawa ang pagiging isang taong matapat at masunurin sa Diyos, at isantabi ang paghahangad sa katayuan at reputasyon. Kapag palagi kang nag-iisip at nagnanais na makipagkompetensiya para sa katayuan, kailangan mong matanto kung anong masasamang bagay ang kahahantungan ng ganitong uri ng kalagayan kung hindi ito malutas. Kaya huwag magsayang ng oras sa paghahanap sa katotohanan, sugpuin ang pagnanais mo na makipagkompetensiya para sa katayuan habang nag-uumpisa pa lang ito, at palitan ito ng pagsasagawa ng katotohanan. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, mababawasan ang iyong pagnanais at ambisyon na makipagkompetensiya para sa katayuan, at hindi ka manggugulo sa gawain ng iglesia. Sa ganitong paraan, maaalala at sasang-ayunan ng Diyos ang iyong mga ginawa. Kaya ano ang sinusubukan Kong bigyang-diin? Ito iyon: Dapat alisin mo sa iyo ang mga hangarin at ambisyon mo bago mamulaklak at magbunga ang mga ito at mauwi sa matinding kalamidad. Kung hindi mo lulutasin ang mga ito habang maaga pa, mapapalampas mo ang isang magandang oportunidad; at sa sandaling nauwi na ang mga ito sa matinding kalamidad, huli na ang lahat para lutasin ang mga ito. Kung wala ka man lang tibay ng loob para maghimagsik laban sa laman, magiging napakahirap para sa iyo na makatungtong sa landas ng paghahanap sa katotohanan; kung may nasasagupa kang mga dagok at kabiguan sa paghahangad mo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi ka natatauhan, mapanganib ito: May posibilidad na matitiwalag ka. Kapag naharap ang mga nagmamahal sa katotohanan sa isa o dalawang kabiguan at dagok pagdating sa kanilang reputasyon at katayuan, malinaw nilang nakikita na wala talagang anumang halaga ang reputasyon at katayuan. Nagagawa nilang lubos na talikuran ang katayuan at reputasyon, at pagpasyahan na, kahit hindi sila kailanman nagtataglay ng katayuan, patuloy pa rin nilang hahangarin ang katotohanan at gagampanan nang maaayos ang kanilang tungkulin, at ibabahagi ang kanilang patotoong batay sa karanasan, sa gayon ay matamo ang resulta ng pagpapatotoo sa Diyos. Kahit mga ordinaryong tagasunod sila, may kakayahan pa rin silang sumunod hanggang wakas, at ang tanging gusto nila ay ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang mga taong ito lamang ang tunay na nagmamahal sa katotohanan at may determinasyon. Maraming anticristo at masasamang tao ang naitiwalag ng sambahayan ng Diyos, at ang ilang naghahangad sa katotohanan, matapos makita ang kabiguan ng mga anticristo, ay nagninilay-nilay sa landas na tinahak ng mga taong iyon, at pinagninilay-nilayan din nila at kinikilala ang kanilang sarili. Mula rito, nagkakaroon sila ng pagkaunawa tungkol sa layunin ng Diyos, nagpapasya na maging mga ordinaryong tagasunod, at nagtutuon sa paghahangad na matamo ang katotohanan at gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Kahit pa sinasabi ng Diyos na sila ay mga tagapagserbisyo o mga mabababang tao na walang kabuluhan, ayos lang sa kanila. Susubukan lang nilang maging mababang tao, maliit at hamak na tagasunod sa mga mata ng Diyos, na sa huli ay tatawagin ng Diyos na mga katanggap-tanggap na nilikha. Ang mga taong tulad nito ang mabubuti at sila mga sinasang-ayunan ng Diyos.
Gusto ng Diyos ang mga taong naghahangad ng katotohanan, at ang pinakakinapopootan Niya ay iyong mga naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Talagang itinatangi ng ilang tao ang katayuan at reputasyon, masyadong mahilig sa mga iyon, hindi maatim na isuko ang mga iyon. Pakiramdam nila palagi ay walang kagalakan o pag-asa sa buhay kapag walang katayuan at reputasyon, na may pag-asa lang sa buhay na ito kapag nabubuhay sila para sa katayuan at reputasyon, at kahit may kaunti silang kabantugan patuloy silang makikipaglaban, hinding-hindi sila susuko. Kung ito ang iniisip at pananaw mo, kung puno ng gayong mga bagay ang puso mo, wala kang kakayahang mahalin at hangarin ang katotohanan, wala kang tamang direksyon at mga layon sa iyong pananampalataya sa Diyos, at wala kang kakayahang hangarin na kilalanin ang sarili mo, na iwinawaksi ang katiwalian at isinasabuhay ang wangis ng tao; hinahayaan mong magpatuloy ang mga bagay-bagay kapag ginagawa mo ang iyong tungkulin, wala kang anumang pagpapahalaga sa responsibilidad, at nasisiyahan ka lang sa hindi paggawa ng kasamaan, hindi pagsasanhi ng kaguluhan, at hindi napapaalis. Magagawa ba ng gayong mga tao ang kanilang tungkulin sa katanggap-tanggap na pamantayan? At maaari ba silang iligtas ng Diyos? Imposible. Kapag kumikilos ka alang-alang sa reputasyon at katayuan, iniisip mo pa nga na, “Hangga’t hindi masama ang ginagawa ko at hindi nakakagulo, kahit mali ang motibo ko, walang makakakita niyon o magkokondena sa akin.” Hindi mo alam na sinusuring mabuti ng Diyos ang lahat. Kung hindi mo tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan, at itinataboy ka ng Diyos, tapos na ang lahat para sa iyo. Iniisip ng lahat ng walang may-takot-sa-Diyos na puso na matalino sila; sa katunayan, ni hindi nila alam kung kailan sila nagkasala sa Kanya. Hindi nakikita nang malinaw ng ilang tao ang mga bagay na ito; iniisip nila, “Hinahangad ko lang ang reputasyon at katayuan upang mas marami akong magawa, para makatanggap ako ng higit pang responsibilidad. Hindi ito nanggagambala o nanggugulo sa gawain ng iglesia, at lalong hindi nito pinipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi ito malaking problema. Sadyang mahal ko ang katayuan at pinoprotektahan ko ang aking katayuan, pero hindi masamang gawa iyon.” Sa tingin, maaaring hindi mukhang masamang gawa ang gayong hangarin, pero saan humahantong iyon sa huli? Makakamit ba ng gayong mga tao ang katotohanan? Makakamtan ba nila ang kaligtasan? Talagang hindi. Samakatuwid, ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay hindi tamang landas—kabaligtaran mismo ng paghahangad ng katotohanan ang direksyong iyon. Sa kabuuan, anuman ang direksyon o puntirya ng iyong hangarin, kung hindi ka nagninilay tungkol sa paghahangad sa katayuan at reputasyon, at kung nahihirapan kang isantabi ang mga bagay na ito, maaapektuhan nito ang iyong buhay pagpasok. Hangga’t may puwang ang katayuan sa puso mo, lubos nitong makokontrol at maiimpluwensyahan ang direksyon ng buhay mo at ang mga mithiing pinagsusumikapan mo, kaya nga magiging napakahirap sa iyo na pumasok sa katotohanang realidad, maliban pa sa mahihirapan kang baguhin ang iyong disposisyon; makamit mo man sa bandang huli ang pagsang-ayon ng Diyos, siyempre pa, ay hindi na kailangang sabihin pa. Bukod pa riyan, kung hindi mo kailanman naisasantabi ang paghahangad mo sa katayuan, maaapektuhan nito ang kakayahan mong gawin nang sapat ang iyong tungkulin, kaya mahihirapan kang maging isang katanggap-tanggap na nilikha. Bakit Ko sinasabi ito? Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay isang satanikong disposisyon, isa itong maling landas, bunga ito ng pagtitiwali ni Satanas, isa itong bagay na kinokondena ng Diyos, at ito mismo ang bagay na hinahatulan at dinadalisay ng Diyos. Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkumpitensya para sa katayuan, walang-sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. At sa likas na katangian, hindi ba’t ang lahat ng ito ay pagkontra sa Diyos? Hindi niloob ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at sa huli ay ginagawa silang isang katanggap-tanggap na nilikha, isang maliit at hamak na nilikha—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libu-libong tao. Kaya, saanmang perspektibo ito tingnan, walang kahahantungan ang paghahangad ng katayuan. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para hangarin ang katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano ka man magsakripisyo, kung naghahangad ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban isa lamang ang kahihinatnan nito: Mabubunyag at matitiwalag ka, at mauuwi sa walang kahahantungan. Nauunawaan mo ito, hindi ba?
Marso 7, 2020