Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikaanim na Bahagi)
III. Kinamumuhian ang mga Salita ng Diyos
Ipagpapatuloy natin ngayon ang pagbabahaginan sa ikasampung aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo: “Kinamumuhian nila ang katotohanan, hayagang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos,” na tumututok sa ikatlong bahagi, na kinamumuhian nila ang mga salita ng Diyos. Sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa dalawang aspekto ng bahaging ito. Ano ang dalawang iyon? (Ang una ay na pinakikialaman at binibigyang-kahulugan ng mga anticristo nang wala sa katwiran ang mga salita ng Diyos. Ang isa pa ay na itinatatwa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos kapag hindi umaayon ang mga ito sa kanilang mga kuru-kuro.) Ang dalawang aspekto ay may kinalaman sa pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos. Malinaw na makikita sa maraming paraan ang pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos; konektado ito sa diwa nila, sa saloobin nila sa Diyos, at sa kung paano nila tinatrato ang lahat ng aspektong may kaugnayan sa Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay sumasaklaw sa maraming paksa, kaya, ang pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos ay hindi isang simpleng saloobin na mayroon sila sa Kanyang mga salita. Maraming aspekto ang mga dahilan ng kanilang pagkamuhi sa Kanyang mga salita, hindi iisa lang. Sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa dalawang partikular na pagpapamalas ng kung paano kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos. Ngayon, magbabahaginan tayo sa isa pang pagpapamalas.
C. Inuusisa ng mga Anticristo Kung Nagkakatotoo ang mga Salita ng Diyos
Kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos—mayroon ba silang tunay na pananampalataya sa sinasabi ng Diyos, sa lahat ng nilalaman na sinabi ng Diyos? (Wala.) May aktuwal na ebidensya nito. Hindi sila tunay na nananampalataya, kaya ano ang kanilang saloobin sa kung tumutugma ba sa realidad ang lahat ng salita ng Diyos, kung magkakatotoo ba ang mga ito, o kung totoo ba ang mga ito? Tunay ba silang nananampalataya, o nagdududa ba sila at atubiling nagmamasid sa kanilang puso? Mariin silang nagdududa at atubiling nagmamasid sa kanilang puso. Ngayon, magbabahaginan tayo sa pagpapamalas na ito ng mga anticristo: Inuusisa nila kung nagkakatotoo ang mga salita ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “inuusisa”? Bakit ginagamit ang salitang “inuusisa”? (Diyos ko, ang pag-usisa ay nangangahulugan ng lihim na pagmamasid, paninilip.) Ang paliwanag na ito ay tama sa kabuuan. Nauunawaan ng lahat ngayon ang kahulugan ng “inuusisa”; ito ay ang manood at atubiling magmasid nang palihim, tumingin nang patago nang hindi napapansin ng iba, kumilos sa dilim, hindi nang hayagan o hayaan ang iba na makakita; maliit na taktika ito. Malinaw na ang taong gumagawa ng taktikang ito ay hindi gumagawa nito nang hayagan kundi nang palihim. Kaya, mula sa mga pagpapamalas at paliwanag na ito, anong uri ng pag-uugali ito kapag inuusisa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos? (Pagkamuhi sa katotohanan.) Ano ang nagpapatunay na ito ay pagkamuhi sa katotohanan? Bakit hindi na lang basahin ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos nang matapat, makatarungan, at hayagan? Bakit sila nag-uusisa? Talaga bang isang uri ng kilos ang pag-uusisa? Mula sa paliwanag nito, malinaw na hindi isang bagay na ginagawa nang lantaran ang pag-uusisa; hindi ito isang bagay na makikita mula sa panlabas na mga anyo, ekspresyon, o kilos. Sa halip, nakakubli ang lahat ng kaisipang ito, nakatago sa puso, hindi nakikita ng iba, at mahirap tukuyin kung ano ang iniisip nila batay sa kanilang mga ekspresyon at mga kilos—ito ay tinatawag na pag-uusisa. Isa itong saloobin sa mga salita ng Diyos na hindi pwedeng lumitaw nang hayagan; malinaw na isa itong maling saloobin. Isa itong saloobin ng pagtrato sa mga salita ng Diyos mula sa perspektiba ng isang ikatlong partido, mula sa isang mapanlaban na pananaw, mula sa pananaw ng may pag-aatubiling pagmamasid, pagsisiyasat, pagdududa, at pagkontra. Mula sa mga pag-uugaling ito, masasabi ba na ang pag-usisa ng mga anticristo sa kung magkakatotoo ba ang mga salita ng Diyos ay isang pagpapamalas ng pagkamuhi sa mga salita ng Diyos na likas na seryoso? (Oo.) Ang pag-usisa ng mga anticristo sa kung magkakatotoo ba ang mga salita ng Diyos ay sumasalamin sa kanilang disposisyon at tunay na saloobin sa mga salita ng Diyos, na nabubunyag sa kanilang puso, mga kaisipan, at mga lihim na opinyon.
Alin sa mga salita ng Diyos ang inuusisa ng mga anticristo? Sa kanilang pananaw, alin sa mga salita ng Diyos ang karapat-dapat sa kanilang palihim, malalim na pagsisiyasat at pagsusuri? Ibig sabihin, aling partikular na mga nilalaman na sinabi ng Diyos ang partikular silang interesado, habang madalas na pinagdududahan at pinagmamasdan ang mga ito nang may pag-aatubili sa kanilang puso? Alin sa mga salita ng Diyos ang pinaniniwalaan ng mga anticristo na karapat-dapat pag-ukulan ng oras at enerhiya sa pag-uusisa sa kanilang puso? (Ang ilan sa mga propesiya, mga misteryo, at mga salita ng Diyos na may kinalaman sa kinabukasan, kapalaran, at hantungan ng mga tao.) Mga propesiya, hantungan, misteryo—ito ang mga bagay na inaalala ng karamihan sa mga tao at ang talagang hindi kailanman mabitiwan ng mga anticristo sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa partikular, alin sa mga salita ng Diyos ang mas inaalala ng mga anticristo at madalas nilang inuusisa sa kanilang puso? Dahil may kinalaman ito sa kung magkakatotoo ba ang mga salitang ito, sa kung maisasakatuparan ba ang mga ito, sa kung makikita ba nila ang aktuwal na katuparan ng kanilang mga nakamit, ang inaalala ng mga anticristo ay tiyak na ang mga ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan, tama ba? (Tama.) Gayundin, ang mga salitang may kinalaman sa pagsumpa at pagparusa ng Diyos sa mga tao, pagparusa sa masasamang tao, pagparusa sa lahat ng kumokontra sa mga salita ng Diyos. At nariyan din ang mga propesiya ng mga sakuna—hindi ba’t bahagi rin ito ng inaalala ng mga anticristo? (Oo.) Ano pa? (Ang mga salita tungkol sa kung kailan aalis ang Diyos sa lupa.) Kung kailan aalis ang Diyos sa lupa, kung kailan luluwalhatiin ang Diyos, kung kailan matatapos ang dakilang gawain ng Diyos, kung kailan wawakasan ng Diyos ang sangkatauhang ito, tama ba? (Tama.) Ilan lahat ang mga aytem na ito? (Apat.) Ang una ay ang mga salita ng Diyos ng mga pangako at mga pagpapala sa tao. Ang ikalawa ay ang mga salita ng Diyos ng pagsumpa at pagparusa sa tao. Ang ikatlo ay ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng sakuna. Ang ikaapat ay ang mga salita ng Diyos tungkol sa kung kailan Siya aalis sa lupa at kailan matatapos ang Kanyang dakilang gawain. At mayroon pang isa, ang pinakamahalagang aytem, isang kategorya ng mga salita ng Diyos na gustong-gustong usisain ng mga anticristo, at iyon ay ang mga salita ng Diyos tungkol sa Kanyang disposisyon, Kanyang pagkakakilanlan, at Kanyang diwa. Bakit idadagdag ang panghuling aytem na ito? Hindi naniniwala ang mga anticristo na magkakatotoo ang mga salita ng Diyos; madalas nilang usisain ang mga salita ng Diyos, kaya ano ang pangunahing pumupukaw ng kanilang pagdududa, na humahantong sa kanilang pag-usisa sa mga salita ng Diyos? Pangunahin nilang hindi pinaniniwalaan ang Diyos. Likas na mga hindi mananampalataya ang mga anticristo, mga diyablo sila; pinagdududahan nila ang pag-iral ng Diyos, hindi sila naniniwala na may Diyos sa mundong ito, hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos, o sa lahat ng ginagawa ng Diyos. Kaya, ganap silang nagdududa sa disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos. Dahil sa kanilang pagdududa, ano ang gagawin nila? Kung nagagawa nilang pagdudahan ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, kung gayon, pagdating sa mga salitang may kinalaman sa disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos, babasahin lang ba nila ang mga ito nang walang pag-unawa o reaksiyon? Magagawa ba nilang matatag na paniwalaan at tanggapin ang mga salitang ito? (Hindi.) Halimbawa, kung palaging pinaghihinalaan ng isang tao na ampon siya, kaya ba niyang paniwalaan na ang kanyang mga magulang ang tunay niyang magulang? Kaya ba niyang paniwalaan na taos ang pagmamahal, proteksiyon, at ang lahat ng sakripisyong ginawa ng kanyang mga magulang para sa kanyang kinabukasan? (Hindi.) Kapag nagdududa at hindi siya naniniwala sa lahat ng ito, hindi ba’t gagawa siya ng ilang bagay nang palihim? Halimbawa, minsan ay maaaring makinig siya nang palihim sa mga pag-uusap ng kanyang mga magulang para malaman kung pinag-uusapan ng mga ito ang kanyang pinagmulan. Karaniwan din siyang magmamasid nang mabuti at palaging magtatanong sa kanyang mga magulang tungkol sa kung saan siya ipinanganak, sino ang nagluwal sa kanya, at kung ano ang timbang niya noong ipinanganak siya—palagi siyang magtatanong tungkol sa mga bagay na ito. Kung papaluin o didisiplinahin siya ng kanyang mga magulang, mas titindi pa ang kanyang mga paghihinala. Kahit ano ang gawin ng mga magulang niya, palagi siyang magiging mapagmatyag at magdududa. Kahit gaano kabuti ang pagtrato sa kanya ng kanyang mga magulang, hindi niya mabitiwan ang pagiging maingat sa puso niya. Kaya, hindi ba’t nagaganap nang palihim ang lahat ng pagkamaingat na ito, ang lahat ng panloob na aktibidad, kaisipan, at saloobing ito? Sa sandaling pagdudahan niya kung ang kanyang mga magulang ang tunay niyang mga magulang, tiyak na gagawa siya ng ilang bagay nang walang nakakakita. Samakatuwid, sapagkat ang kalikasan ng mga anticristo ay tulad ng sa mga hindi mananampalataya, tiyak na hindi nila pinaniniwalaan, kinikilala, o tinatanggap ang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos. Sa ganitong saloobin ng hindi paniniwala, hindi pagkilala, at hindi pagtanggap, talaga bang pinaniniwalaan at tinatanggap nila sa kanilang puso ang mga salitang may kinalaman sa disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos? Tiyak na hindi. Hangga’t may kinalaman ito sa mga salita tungkol sa disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos, nagkikimkim sila ng pagdududa, pagkontra, at may pag-aatubiling pagmamasid sa kanilang puso. Huwag muna nating idetalye ang aspektong ito sa ngayon.
Ang limang pagpapamalas ng pag-uusisa ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos na katatalakay pa lang ay halos komprehensibo at tipikal. Inuusisa ng mga anticristo ang partikular na nilalaman at pokus ng mga salita ng Diyos. Tungkol naman sa maraming salita na kaugnay sa buhay pagpasok, mga salitang ginagamit ng Diyos para bigyang-ginhawa ang mga tao, ipaliwanag ang ilang misteryo, o ilantad ang tiwaling disposisyon ng tao, at iba pa, may pakialam ba ang mga anticristo sa mga salitang ito? (Wala.) Para sa kanila, walang halaga ang mga salitang ito. Bakit? Dahil hindi mahal ng mga anticristo ang katotohanan, hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at hindi nila nilalayong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos o ang pagliligtas ng Diyos. Wala silang mga gayong plano, kaya itinuturing nila ang mga salitang may kaugnayan sa mga pagbabago ng disposisyon ng tao at buhay pagpasok bilang hindi mahalaga, hindi sulit basahin, pag-isipan, o isapuso. Hindi sila interesado sa mga salitang ito. Iniisip nila, “Ano ba ang kinalaman ng mga salitang iyon sa kinabukasan at kapalaran namin? Ano ang kinalaman ng mga iyon sa aming hantungan? Ang mga salitang iyon ay tungkol sa maliliit na usapin, hindi sulit basahin o pakinggan. Kung talagang nababahala ang isang tao, kung walang ibang magagamit na solusyon, pwede namang pansamantala niyang basahin ang mga salitang iyon para punan ang kahungkagan sa puso, o para malampasan ang ilang napakahirap na balakid at lutasin ang ilang mahirap na suliranin—iyon lang. Ang sabihing makapagbabago ng disposisyon ng isang tao ang mga salitang iyon, paanong ganoon lang ito kasimple?” Sa simula pa lang ay wala silang balak na baguhin ang kanilang disposisyon, walang plano na tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang ang buhay, ang daan, o ang katotohanan. Ang kanilang kinabukasan at hantungan ang nais nila, pati na kapangyarihan. Kaya, hindi nila sineseryoso ang mga gayong salita, ni isinasapuso ang mga ito. Ang implikasyon, mula sa perspektiba ng mga anticristo, ay na hindi sulit sa kanilang pagsisiyasat ang mga salitang ito, at lalong hindi sulit sa kanilang oras na suriin at imbestigahan kung ang mga ito ang katotohanan o kung kaya bang baguhin ng mga ito ang mga tao. Para sa mga anticristo, anumang salitang may kaugnayan sa kanilang kapalaran at hantungan, sa kanilang sariling pagkakakilanlan, katayuan, sa lahat ng kanilang personal na interes, at iba pa, ay may kabuluhan, ang mga ito ang pinakamahalaga. Sinasabi ng ilang tao: “Dahil para sa mga anticristo ay napakahalaga ng mga bahaging ito ng mga salita ng Diyos at lubos nilang binibigyang-pansin ang mga ito, paano masasabi na inuusisa nila ang mga salita ng Diyos? Hindi ba’t medyo maling akusasyon ito? Hindi ba’t medyo malayo na ito at hindi masyadong angkop?” (Hindi. Hindi naniniwala ang mga anticristo na tiyak na magkakatotoo at maisasakatuparan ang mga salita ng Diyos, hindi sila naniniwala na seryoso ang Diyos sa Kanyang sinasabi, at na talagang mangyayari ang Kanyang sinasabi. Hindi nila binabasa ang mga salita ng Diyos nang may mentalidad ng pananampalataya at pagkilala, kundi nagmamasid sila kung magkakatotoo nga ba ang mga salita ng Diyos.) Ganito ba ang nangyayari? (Oo.) Pinahahalagahan ng mga anticristo ang mga salitang ito dahil maaaring matugunan ng mga ito ang mga pagnanais nila. Bukod dito, kung maisasakatuparan ang mga salitang ito, matutugunan nito ang mga ambisyon nila. Kung maaarok nila ang mga salitang ito at panghahawakan ang mga ito, kung gayon, kapag nagkatotoo na ang mga salitang ito, tama ang naging pasya nila, at tamang hakbang ang pagsunod nila sa Diyos. Gayumpaman, ang kanilang pagpapahalaga sa mga salitang ito ay hindi nangangahulugan na matatanggap nila ang mga itobilang ang katotohanan sa kaibuturan nila, bilang nagmumula sa Diyos, hindi rin masasabi na tinatanggap nila ang mga salitang ito sa kanilang puso bilang mga salita ng Diyos. Sa kabaligtaran, habang pinahahalagahan nila ang mga salitang ito, pinagdududahan nila ang mga ito sa kanilang puso, nagmamasid lamang sila nang may pag-aatubili. Maaari ding sabihin na ang mga salitang ito ay pwedeng maging ebidensiya at bentaha para sa kanila na itatwa ang Diyos at itatwa ang yugtong ito ng gawain ng Diyos sa anumang sandali, sa anumang oras at lugar. Palagi silang nagmamasid at matiyagang sumusubaybay para makita kung ang mga salitang ito ay natutupad at naisasakatuparan sa bawat hakbang ng gawain ng Diyos at sa bawat panahon na inaakay ng Diyos ang mga tao. Malinaw na palaging nakatuon ang mga anticristo sa kung magkakatotoo ba ang mga salita ng Diyos. Sa panahong ito, hindi kailanman nagbago ang kanilang saloobin ng pagkamapanlaban sa Diyos, paglaban sa Diyos, at pagsisiyasat at pagsusuri sa Diyos. Sila ay mapanlaban sa Diyos at sinisiyasat nila ang Diyos, palaging inuusisa ang bawat kilos at salita ng Diyos sa kanilang puso; kasabay nito, sinusubukan din nilang kondenahin ang Diyos at ang gawain ng Diyos. Hindi ba’t isa itong tuloy-tuloy na pagpapamalas ng paglaban ng mga anticristo sa Diyos? (Oo.) Mula sa mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, mayroon bang anumang pahiwatig ng pagtanggap sa mga salita ng Diyos? Anumang pahiwatig ng pagpapasakop? Anumang pahiwatig ng pagtrato sa Diyos bilang Diyos? (Wala.) Susunod, isa-isa nating pagbabahaginan ang mga aytem na ito.
1. Pag-uusisa sa mga Salita ng mga Pangako at mga Pagpapala ng Diyos sa Tao
Ang unang aytem ay na inuusisa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos ng mga pangako at mga pagpapala. Mula nang simulan ng Diyos ang Kanyang gawain at nagsalita Siya, marami Siyang sinabi sa sangkatauhan, sa Kanyang mga hinirang na tao, at sa mga nakikinig sa Kanyang mga salita tungkol sa kung anong mga pagpapala at biyaya ang ipagkakaloob Niya sa mga tao, kung anong mga pagpapala ang ipinapangako Niya sa mga tao, at iba pa. Sa iba’t ibang panahon, okasyon, o konteksto, sinasabi ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod ang tungkol sa mga pagpapala at pangako, ipinapaalam sa kanila na kung matutupad nila ang ilang bagay, pagpapalain sila ng Diyos sa mga partikular na paraan, at makakatanggap sila ng ilang pagpapala at pangako, at iba pa. Hindi mahalaga kung anong panahon sinabi ng Diyos ang mga salitang ito o kung kanino man ipinangako ng Diyos ang mga ito, sinabi ang mga salitang ito sa ilalim ng ilang partikular na konteksto at sa isang partikular na kapaligiran. Higit pa rito, ang mga pangako at pagpapala na ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ay may kaugnayan sa kanilang mga positibong pagpapamalas, tulad ng paghahangad sa katotohanan, pagbabago sa disposisyon, at tunay na pagpapasakop sa Diyos. Ipinapahiwatig na may kondisyon ang mga pangako at pagpapala ng Diyos sa mga tao. Hindi ang mga tao ang may huling salita sa mga kondisyong ito, at hindi rin natutukoy ang mga ito ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao; sa halip, natutukoy ang mga ito ayon sa mga pamantayan at mga hinihingi ng Diyos, na may sangkot na ilang prinsipyo at tuntunin. Tungkol sa kung paano nagkakatotoo, natutupad, at naisasakatuparan ang mga salita ng Diyos sa iba’t ibang tao, tiyak na hindi ito basta-bastang ginagawa ng Diyos—sa halip, may batayan ito. Ang parehong gawa na ginawa ng iba’t ibang tao ay maaaring magresulta sa iba’t ibang pagtrato mula sa Diyos. Halimbawa, maaaring may dalawang tao na namumuno sa tig-iisang iglesia; ang isa ay madalas na tumatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw at madalas na nagtitiis ng pagdidisiplina, na nagreresulta sa mabilis na paglago sa tayog. Sa kabaligtaran, ang pangalawa ay maaaring medyo manhid at mabagal tumugon, na nagreresulta sa mas mabagal na pag-usad. Mula sa perspektiba ng tao, ang dalawang taong ito na gumagawa ng parehong gawain at nagpapakita ng magkatulad na pag-uugali ay dapat makatanggap ng parehong pagpapala at pagtrato mula sa Diyos. Gayumpaman, pagdating sa buhay pagpasok na kanilang nararanasan at natatamo sa paggawa ng kanilang mga tungkulin at sa kanilang buhay, o sa panlabas na biyayangnatatanggap nila, magkakaroon ng mga tiyak na pagkakaiba. Ang mga “tiyak na pagkakaiba” na ito ay, siyempre, hindi maiiwasan. Kaya, paano inilalaan ng Diyos ang mga diumano’y pagpapala at iba’t ibang pagtrato, o kaliwanagan, pagtanglaw, at iba pang mga benepisyong natatanggap ng mga tao mula sa Diyos? May iba’t ibang paraan ang Diyos sa pakikitungo sa iba’t ibang tao. Ang ilang tao ay tamad, banidoso, mahilig makipagkompetensiya, at mainggitin, at habang handa silang gumugol ng sarili at magtiis ng ilang paghihirap sa panlabas, sadyang hindi nila kayang tanggapin o isagawa ang katotohanan. Sa kabilang banda, ang ilang tao ay masipag; kahit na mayroon silang parehong mga tiwaling disposisyon, medyo matapat at mapagpakumbaba sila. Kaya nilang tanggapin ang katotohanan at tanggapin ang pagpupungos. Taimtim nilang tinatanggap at nauunawaan ang lahat ng sinasabi ng Diyos at ang bawat kapaligiran na isinasaayos ng Diyos para sa kanila, habang tinatrato rin ito nang taimtim. Kaya, sa panlabas, maaaring pareho ang gawain at ang dami ng gawain na ginagawa ng dalawang tao, pero magkakaloob ang Diyos ng iba’t ibang pagpapala at iba’t ibang kaliwanagan at pagtanglaw batay sa kanilang iba’t ibang disposisyon at mga paghahangad. Sa panlabas, ang taong tumatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw ay maaaring mas magdurusa pa at madalas na magtitiis ng pagdidisiplina, pero mas malaki rin ang makakamit nila. Sa kabaligtaran, nahaharap sa mas kaunting pagdidisiplina ang taong manhid at mapurol ang isip, nagdurusa siya nang mas kaunti, kaya mas mabagal ang kanyang paglago sa buhay at mas kaunti ang kanyang natatamo. Sa kaibuturan, sino ang tunay na tumatanggap ng mga pagpapala at pangako ng Diyos? (Ang taong mas nagdurusa at madalas tumatanggap ng pagdidisiplina.) Maaaring tila nadidisiplina ang taong tumatanggap ng mga pangako at pagpapala ng Diyos, madalas na nahaharap sa mga dagok, nagbubunyag ng katiwalian, at nalalantad, pero madalas nilang natatanggap ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos. Sa kabilang banda, namumuhay nang komportable, masaya, at malaya ang taong hindi nadidisiplina. Kapag tamad sila, hindi sila dinidisiplina; kapag naiinggit sila, hindi sila dinidisiplina; kapag iresponsable sila sa kanilang gawain, hindi sila dinidisiplina—nagpapakasasa pa nga sila sa mga pakinabang ng katayuan at namumuhay nang kontento. Sino ang pinipili ng mga taong may espirituwal na pang-unawa, na tunay na nakakaarok sa mga bagay-bagay, at nagmamahal sa mga positibong bagay? Pinipili nila ang taong nagtitiis ng pagdidisiplina, madalas na nahaharap sa mga dagok, at nakatatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw; itinuturing nila ang gayong tao na tunay na pinagpapala ng Diyos. Nagnanais na maging ganoong uri tao ang mga taong naghahangad sa katotohanan. Handa silang palaging mamuhay sa harap ng Diyos, kahit na nangangahulugan ito ng madalas na pagtanggap ng pagdidisiplina at pagkastigo ng Diyos. Naniniwala sila na ito ay pagpapala ng Diyos at tunay na pangako ng Diyos. Ang pagkakaroon ng mga karanasan at mga pakinabang ito ay nagpapatunay sa pag-iral ng mga pagpapala at pangako na sinabi ng Diyos. Pero paano ito tinitingnan ng mga anticristo? Hindi sinusukat ng mga anticristo ang mga pangako at pagpapala ng Diyos batay sa kung gaano karaming katotohanan ang nauunawaan ng isang tao, kung gaano karaming katotohanan ang kanilang natamo, o kung gaano karaming positibong pakinabang ang kanilang natanggap. Sa halip, sinusukat nila kung gaano karami ang natamo batay sa perspektiba ng mga pakinabang ng laman at ng mga materyal na interes. Sino sa palagay ninyo ang kinaiinggitan ng mga anticristo? (Ang taong hindi nagtitiis ng pagdidisiplina.) Kinaiinggitan ng mga anticristo ang taong tamad at hindi tapat, na hindi nahaharap sa anumang pagdidisiplina at nagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan. Na kinaiinggitan ng mga anticristo ang mga gayong indibidwal ay nagpapatunay na may problema sa paraan ng kanilang pagtingin sa mga bagay-bagay; natutukoy ito ng kanilang kalikasang diwa.
Paano inuusisa ng mga anticristo kung natutupad ang mga salita ng Diyos ng mga pangako at pagpapala sa tao? Kapag isinasaad ng mga salita ng Diyos kung sino ang Kanyang pinagpapala, sino ang tumatanggap ng Kanyang mga pangako, at sino ang pwedeng tumanggap ng mga pangako mula sa Diyos, paano ito pinagmamasdan ng mga anticristo? Sinasabi nila, “Ang mga taong nagbabayad ng halaga para sa diyos ay tumatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw, mayroon silang pagdidisiplina at patnubay ng diyos, at itinuturing na iyon na pagtanggap ng mga pagpapala? Pagpapala ng diyos ang madisiplina? Tanging mga hangal ang mag-iisip nang ganoon! Hindi ba’t kawalan iyon? Hindi ba’t nakakasira iyon sa reputasyon ng isang tao? At tinatawag pa iyon na pagpapala ng diyos? Ganoon ba nagkakatotoo at naisasakatuparan ang mga salita ng diyos? Kung ganoon nga, ayaw kong maging gayong klase ng tao, ayaw kong maghangad ng pagdurusa at magbayad ng halaga. Hindi ko tinatanggap ang ganitong paraan ng paggawa ng diyos; anong klaseng katotohanan ito? Paano iyon maituturing na pagliligtas sa mga tao?” Lumilitaw ang pagkontra sa kanilang puso; hindi nila tinatanggap ang pagpapala at pag-akay ng Diyos sa ganitong paraan, hindi nila tinatanggap ang pagkakaloob ng Diyos ng buhay sa mga tao sa ganitong paraan, at hindi nila tinatanggap na ginagawa Diyos ang katotohanan sa mga tao sa ganitong paraan. Siyempre, maaari din na may mga tao sa paligid ng mga anticristo na, mula nang manampalataya sa Diyos, ay nagkaroon na ng matagumpay na negosyo, kumita ng mas maraming pera, nakabili ng mga sasakyan at bahay, at bumuti ang kanilang materyal na buhay, naging mayaman. Nang makita ito, iniisip ng mga anticristo, “Pagkatapos manampalataya sa diyos, natanggap nila ang mga pagpapala at natamasa ang biyaya ng diyos. Mula sa mga katunayang ito, tila naisakatuparansa mga gayong tao ang mga pangako at pagpapala ng diyos sa tao; nagkatotoo ang mga salita ng diyos. Tila may awtoridad nga ang mga salita ng diyos; tama ang pagtanggap sa yugtong ito ng gawain ng diyos, at makakatanggap ng maraming pagpapala ang isang tao, magiging maayos ang takbo ng lahat ng bagay, at makakatanggap ng biyaya mula sa diyos ang isang tao.” Pagkatapos masaksihan ang mga gayong katunayan, sa puso nila, pansamantalang may kaunting pagkilala at paniniwala ang mga anticristo sa mga pangako at pagpapala ng Diyos. Siyempre, ang pagkilala at paniniwalang ito ay dapat na may kasamang paalala na nagsasabing “nangangailangan ng karagdagang beripikasyon.” Sa kanilang pang-araw-araw na buhay, patuloy na pinagmamasdan at kinokolekta ng mga anticristo ang iba’t ibang ebidensiya para beripikahin na nagkakatotoo at natutupad ang mga pagpapala at pangako ng Diyos sa maraming tao. Habang nagmamasid, nangangalap ng ebidensiyang ito ang mga anticristong ito, sinusubukang tingnan kung sino ang nakatanggap ng mga pagpapala at pangako ng Diyos, kung ano ang nagawa ng mga taong ito, ang kanilang mga saloobin sa Diyos, paano nila sinusunod ang Diyos, at ang kanilang mga pananaw. Siyempre, sa panahong ito ng patuloy na pagmamasid at pangangalap ng ebidensya, tinatangka rin ng mga anticristo na gayahin ang pag-uugali, mga kilos, at pananaw ng mga nakatanggap ng mga pagpapala at pangako ng Diyos. Kung sila mismo ay makatanggap ng ilang materyal na pagpapala, pagtrato, at kasiyahan, sumasasang-ayon sila sa loob-loob nila: “Hindi mga walang kabuluhang salita ang mga pagpapala at pangako ng diyos; pwedeng maisakatuparan ang mga ito. Tila diyos nga ang diyos na ito, talagang may kakayahan siya. Kaya niyang magkaloob ng mga pagpapala at pangako sa mga tao, magdala ng ilang pakinabang, at tugunan ang ilang pangangailangan nila sa partikular na mga interes. Tila dapat patuloy ko siyang paniwalaan at sundin; hindi ako dapat mahuli o magpabaya.” Mula simula hanggang katapusan, atubiling nagmamasid ang mga anticristo. Pero may nakakapansin ba kapag ginagawa nila ito? Nagmamasid ba sila nang may pag-atubili sa harapan ng lahat, sinasabi sa lahat na, “Hindi ako naniniwala sa mga pagpapala at pangakong ito ng diyos”? (Hindi.) Sa panlabas, hindi mo mapapansin. Nakikita mo sila na kahanay ng lahat, tinatalikuran ang kanilang mga trabaho, buhay may-asawa, pamilya, at iba pa, at ginagawa rin ang kanilang mga tungkulin kasama ng lahat, gumigising nang maaga at natutulog nang dis-oras ng gabi, nagtitiis ng hirap at nagbabayad ng halaga. Hindi sila nagsasalita ng mga salitang nagdudulot ng kaguluhan o ng mga negatibong salita, hindi nagpapahayag ng mga paghatol, hindi gumagawa ng masasamang bagay, at hindi nagdudulot ng kaguluhan. Gayumpaman, may isang bagay pa rin: Kahit gaano man sila kumilos nang patago sa panlabas, ang kanilang mga panloob na pananaw at kaisipan ang nangingibabaw at nag-iimpluwensiya sa kanilang pag-uugali. Sa kaibuturan, hindi maitatago sa Diyos ang kanilang atubiling pagmamasid at pag-uusisa sa mga salita ng Diyos. Kaya, anong mga aspekto ng mga anticristo ang pwedeng itago mula sa mga tao pero hindi sa Diyos? Nakikita lamang ng mga tao ang pag-uugali ng iba, nakikita lamang nila ang ibinubunyag ng iba—ang Diyos, sa kabilang banda, ay hindi lamang tinitingnan ang mga ito kundi, higit sa lahat, pinagmamasdan Niya ang puso at mga kaloob-loobang kaisipang mga tao. Ang mga pag-uugali at pagbubunyag ng isang tao ay medyo paimbabaw, pero ang kaibuturan ng puso ng isang tao ay hindi nakikita, kung saan nakatago ang kanilang mas malalalim na kaisipan at ang maraming elemento ng kanilang kalikasan. Kapag inuusisa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos tulad ng Kanyang mga pangako at pagpapala, sa panlabas ay maaaring iniaalay nila ang kanilang oras at nagbabayad sila ng pisikal na halaga, pero hindi nila ganap na inilalaan sa Diyos ang kanilang puso. Ano ang mga kongkretong pagpapamalas ng hindi ganap na paglalaan ng kanilang puso sa Diyos? Anuman ang kanilang ginagawa o ang tungkulin na ginagampanan nila, hindi nila ibinubuhos ang lahat ng kanilang lakas dito at hindi nila ito ginagawa nang walang pasubali, sa halip ay tinitiyak lamang nila na walang mga halatang kamalian at na tama ang pangunahing direksiyon ng kabuuang proseso. Bakit nagagawa nila ito? Sa kaibuturan ng kanilang puso, sa kaloob-looban ng kanilang pagkatao, nagkikimkim sila ng isang kaisipan: “Naisasakatuparan man o hindi ang mga salita ng diyos, ito ang nagtatakda kung maliligtas ako ng diyos at kung siya nga ang aking diyos. Kung hindi masasagot ang katanungang ito, maging ang pagiging totoo ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos ay karapat-dapat ding kuwestiyunin.” Nang may mga gayong kaisipan sa kanilang kaibuturan, maaari pa rin kaya silang magkaroon ng tunay na puso para sa Diyos? Hinahadlangan sila ng mga malalim na kaisipang ito sakanilang puso, patuloy silang binabalaan: Huwag ibigay ang iyong tunay na puso sa diyos, huwag ibigay lahat-lahat, iraos mo lang ang anumang ginagawa mo, at huwag kang maging hangal; magtira ka para sa sarili mo, siguraduhing may daan kang malalabasan, at huwag mong ipagkatiwala ang iyong buhay o ang iyong mga pinakamahalagang bagay sa diyos na ito na hindi pa kilala. Ganito sila mag-isip sa kanilang puso. Napansin ba ninyo ito? (Hindi.) Ang mga anticristong ito, sa mga pagtitipon at sa pakikisalamuha sa iba, ay maaaring mabait sa panlabas, normal na nakikisama, at nagbabahagi pa nga ng ilan sa kanilang sariling kabatiran, pagkaunawa, at karanasan at maaaring nagpapakita sila ng panlabas, mababaw, karaniwang mga pag-uugali at pagpapamalas na dapat taglayin ng isang mananampalataya; gayumpaman, walang paglago o pag-unlad sa kanilang pagkatakot sa Diyos o sinseridad sa Kanya. Paano man magbayad ng halaga ang mga taong ito o ilang taon man nilang ginagawa ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, isang bagay ang tiyak: Hindi lumalago ang buhay nila—wala silang buhay. Sa anong mga aspekto naipapamalas ang kawalan ng buhay na ito? Kapag nahaharap sa mga sitwasyon, hindi nila hinahanap ang mga prinsipyo ni kaunti; kontento na sila kung nagpapatuloy ang kasalukuyang gawain, hindi nila kailanman itinuturing na pamantayan ng kanilang pagsasagawa ang mga prinsipyong sinasabi ng Diyos, paimbabaw lang nilang tinatanggap ang pagsusubaybay, pangangasiwa, at pamumuno ng ibang tao, at hindi nila tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos. Nangangahulugan ito na hanggang sa malinaw nilang makumpirma kung kanino tunay na natutupad ang mga pangako at pagpapala ng Diyos, kung kaninong grupo ng mga tao natatamo ang mga ito, at hanggang makumpirma nila na sila mismo ay tunay na makatatanggap mula sa Diyos ng mga pangako at pagpapala na ibinibigay ng Diyos sa tao, hindi magbabago ang kanilang mga prinsipyo at pamamaraan ng pagkilos, pati na rin ang kanilang saloobin sa mga salita ng Diyos. Sa isang banda, palagi nilang pinapaalalahanan ang kanilang sarili, habang pinaplano sa loob-loob nila ang kanilang pakikipag-argumento sa Diyos. Ano ang pokus ng kanilang pakikipag-argumento sa Diyos? Iniisip nila: “Ang mga pangako at pagpapala mo ay hindi pa natutupad. Hindi ko pa nakikitang naisasakatuparan ang mga ito, at hindi ko makita kung paano ka kumikilos, kaya hindi ko makumpirma ang iyong pagkakakilanlan. Kung hindi ko makumpirma ang iyong pagkakakilanlan, paano ko maituturing ang mga salita mong ito bilang ang katotohanan, bilang mga salita ng diyos?” Hindi ba’t nakikipagtalo sila sa Diyos tungkol sa usaping ito sa loob-loob nila? Sinasabi nila, “Kung hindi ko mapatunayana ang mga pagpapalang ipinapangako mong ipagkakaloob sa mga tao, at ang lahat ng iba’t ibang nilalaman ng iyong mga pangako sa mga tao, kung gayon, hindi pwedeng maging isang daang porsiyento ang pananalig ko sa iyo. Palaging may mga karumihan sa loob nito, at hindi ako ganap na makapaniwala.” Ito ang saloobin ng mga anticristo. Nakakatakot ba ang gayong saloobin? (Oo.) Ang ganitong uri ng saloobin ay medyo kahalintulad sa kasabihan ng mga walang pananampalataya, “Huwag pakawalan ang lawin hangga’t hindi mo pa nakikita ang kuneho.” Sinasabi nila: “Ikaw ang diyos, dapat mayroon kang kapangyarihan na isakatuparan ang mga pangako at pagpapala mo. Kung hindi maisasakatuparan ang iyong sinasabi, at hindi makakatamasa ng malalaking pagpapala ang mga taong nananampalataya sa iyo, hindi makakatamasa ng kaluwalhatian, kayamanan, at karangalan, hindi makakatamasa ng biyaya, at hindi makakatanggap ng iyong pagkalinga, kung gayon, bakit pa dapat sumunod sa iyo ang mga tao?” Sa mga mata ng mga anticristo, at sa kanilang mga kaisipan at pananaw, dapat mayroong ilang pakinabang sa pagsunod sa Diyos; hindi sila mag-aabalang kumilos kung walang mga pakinabang. Kung walang matatamasang kasikatan, pakinabang, o katayuan, kung hindi nila makukuha ang paghanga ng iba sa mga gawaing ginagawa nila o mga tungkuling ginagampanan nila, kung gayon, walang saysay na manampalatayag sa Diyos at gawin ang kanilang mga tungkulin. Ang unang mga pakinabang na dapat nilang makuha ay ang mga pangako at pagpapala na binanggit sa mga salita ng Diyos, at dapat din nilang matamasa ang kasikatan, pakinabang, at katayuan sa loob ng iglesia. Iniisip ng mga anticristo na sa pananampalataya sa Diyos, kailangang maging nakatataas ang isang tao sa iba, kailangang hangaan, kailangang maging espesyal—sa pinakamababa, kailangang matamasa ng mga mananampalataya sa Diyos ang mga bagay na ito. Kung hindi, may kuwestiyon kung ang tunay na Diyos itong Diyos nasinasampalatayanan nila. Hindi ba’t ang lohika ng mga anticristo ay na itinuturing nilang ang katotohanan ang mga salitang “Ang mga mananampalataya sa diyos ay dapat magtamasa ng mga pagpapala at biyaya ng Diyos”? Subuking suriin ang mga salitang ito: Katotohanan ba ang mga ito? (Hindi.) Ngayon ay malinaw na hindi katotohanan ang mga salitang ito, maling paniniwala ang mga ito, lohika ni Satanas ang mga ito, at walang kaugnayan sa katotohanan ang mga ito. Sinabi na ba ng Diyos na, “Kung mananampalataya sa Akin ang mga tao, tiyak na pagpapalain sila, at hindi kailanman magdurusa ng paghihirap?” Aling linya sa mga salita ng Diyos ang nagsasabi nito? Hindi kailanman sinabi o ginawa ng Diyos ang mga ganitong salita. Pagdating sa mga pagpapala at paghihirap, may katotohanan na dapat hanapin. Ano ang matalinong kasabihan na dapat sundin ng mga tao? Sinabi ni Job, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Katotohanan ba ang mga salitang ito? Mga salita ito ng isang tao; hindi pwedeng itaas ang mga ito sa antas ng katotohanan, bagamat medyo naaayon sa katotohanan ang mga ito. Sa anong paraan naaayon sa katotohanan ang mga ito? Nasa mga kamay ng Diyos kung pagpapalain o magdurusa man ng paghihirap ang mga tao, nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng ito. Ito ang katotohanan. Pinaniniwalaan ba ito ng mga anticristo? Hindi, hindi nila ito pinaniniwalaan. Hindi nila ito kinikilala. Bakit hindi nila ito pinaniniwalaan o kinikilala? (Ang pananampalataya nila sa Diyos ay para pagpalain sila—gusto lamang nilang mapagpala.) (Dahil masyado silang makasarili, at hinahangad lamang nila ang mga interes ng laman.) Sa kanilang pananampalataya, nais lamang ng mga anticristo na mapagpala, at ayaw nilang magdusa ng paghihirap. Kapag nakikita nilang pinagpala ang isang tao, nakinabang, nabiyayaan, at nakatanggap ng higit pang materyal na kasiyahan, malalaking bentaha, naniniwala silang ito ay ginawa ng Diyos; at kung hindi sila nakakatanggap ng mga gayong materyal na pagpapala, kung gayon ay hindi ito gawa ng Diyos. Ang pahiwatig nito ay, “Kung talagang ikaw ay diyos, pwede mo lang pagpalain ang mga tao; dapat mong iiwas ang mga tao sa paghihirap at hindi sila hayaang magdusa. Sa gayon lamang magkakaroon ng halaga at saysay ang pananampalataya ng mga tao sa iyo. Kung, pagkatapos sumunod sa iyo, patuloy pa ring nakakaranas ng paghihirap ang mga tao, kung patuloy silang nagdurusa, ano pa ang saysay na manampalataya sa iyo?” Hindi nila kinikilala na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay at pangyayari, na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. At bakit hindi nila ito kinikilala? Dahil natatakot ang mga anticristo na magdusa ng paghihirap. Gusto lamang nilang makinabang, magsamantala, magtamasa ng mga pagpapala; ayaw nilang tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan o pamamatnugot ng Diyos, kundi gusto lamang nilang makatanggap ng mga pakinabang mula sa Diyos. Ito ang makasarili at kasuklam-suklam na pananaw ng mga anticristo. Ito ay isang serye ng mga pagpapamalas na ipinapakita ng mga anticristo tungkol sa mga gayong salita ng Diyos tulad ng Kanyang mga pangako at pagpapala. Sa kabuuan, ang mga pagpapamalas na ito ay pangunahing kinabibilangan ng mga pananaw ng mga anticristo sa kanilang paghahangad, pati na rin ng kanilang mga pananaw, pagsusuri, at pagkaunawa sa ganitong uri ng bagay na ginagawa ng Diyos para sa mga tao. Bagamat maaaring hindi nila lantarang sinisiraan o kinokontra ang mga salita ng Diyos, sa kaibuturan nila, ang pagharap nila sa ganitong uri ng mga salita mula sa Diyos at sa pamamaraan kung paano ginagawa ng Diyos ang ganitong uri ng bagay ay mapanirang-puri, mapagduda, mapagkondena, at mapili. Kapag natutupad ang mga salita ng pangako at pagpapala ng Diyos sa ilang tao, pinupuri nila ang kapangyarihan ng Diyos at itinatanghal ang Kanyang pangalan at Kanyang pagmamahal. Gayumpaman, kapag hindi umaayon ang ginagawa ng Diyos sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga pangako at pagpapala, agad na itinatatwa ng mga anticristo sa puso nila ang pag-iral ng Diyos, pati na rin ang kawastuhan ng lahat ng ginagawa ng Diyos, at lalo nilang itinatatwa ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang katunayan na pinamamatnugutan at isinasaayos Niya ang kapalaran ng tao. Ang lahat ng pagpapamalas na ito ng mga anticristo ay maaaring hindi mabubunyag sa panlabas, at maaaring hindi nila ipapakalat ang kanilang mga pananaw gamit ang mga lantarang pahayag, pero hindi nagbabago ang perspektibang gamit nila sa atubiling pagmamasid at pag-uusisa sa mga salitang ito mula sa Diyos sa kanilang puso. Paano man magbahagi ang iba tungkol sa mga usapin ng buhay pagpasok o kung paano maliligtas ang mga tao, hindi maisasantabi ang mentalidad at saloobin ng mga anticristo sa pag-uusisa sa kung matutupad ba ang mga salitang ito ng Diyos tulad ng Kanyang mga pangako at pagpapala at kung paano maisasakatuparan ang mga ito. Maaaring pumapalakpak nang masigla at nagagalak ang mga anticristo, pinupuri ang kapangyarihan ng Diyos kapag natutupad ang mga pangako at pagpapala ng Diyos. Pero kapag hindi natupad o hindi nagkatotoo ayon sa kanilang mga kuru-kuro ang mga pangako at pagpapala ng Diyos, agad nilang palihim na sinusumpa at nilalait ang Diyos sa kanilang puso, at sinisiraan ang Kanyang pangalan. Kaya, sa pang-araw-araw na buhay, kahit na payapa at walang problema ang lahat ng bagay, mabilis na nagbabago ang kalagayan ng ilang tao. Kapag masaya sila, para silang nasa ikapitong langit, pero kapag malungkot sila, para silang nalulugmok sa impiyerno ng kawalan ng pag-asa. Pabago-bago ang kanilang lagay ng kalooban at hindi mawari, kaya naguguluhan ang iba sa kung ano ang nangyayari. Kapag masaya sila, sinasabi nila, “Tunay nga na diyos ang diyos. Ang diyos ay napakadakila, talagang umiiral ang awtoridad ng diyos, mahal na mahal ng diyos ang mga tao!” Pero kapag hindit sila masaya, nagiging napakahirap para sa kanila na bigkasin man lang ang salitang “diyos.” Ang parehong tao na malakas na pumupuri sa pangalan ng Diyos ay siya ring naninira, tumatatwa, lumalapastangan, umaabuso, at sumusumpa sa Diyos sa kanilang puso. Bumabangon sila nang maaga at natutulog nang dis-oras sa gabi upang gawin ang kanilang mga tungkulin, nagbabayad ng halaga na hindi kayang gawin ng karamihan, pero sila rin ang nagbubulalas ng kanilang pagkadismaya sa pamamagitan ng kanilang mga tungkulin, nagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, sadyang gumugulo sa gawain, at sadyang nagpapabaya sa pangangasiwa ng kanilang mga tungkulin at gawain. Sa panlabas, iisang tao lang ang lahat ng ito, pero batay sa kanilang mga pag-uugali, at mga disposisyon, parang dalawang magkaibang tao ang sangkot dahil sa mga gayong magkaibang pagpapamalas. Nagpapakita ito ng problema. Mula sa mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, malinaw na hindi talaga nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan o bilang mga salita ng Diyos. Dagdag pa rito, batay sa diwa ng mga anticristo, hindi nila kailanman ituturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, ni bilang mga katotohanang prinsipyo na dapat itaguyod sa buong buhay nila. Ito ang unang aytem ng pag-uusisa ng mga anticristo sa kung matutupad ba ang mga salita ng Diyos—inuusisa nila ang mga salita ng Diyos ng mga pangako at pagpapala. Para sa mga anticristo, ang mga pangako at pagpapala ng Diyos ay hindi maihihiwalay sa materyal na pagtrato, espirituwal na pagtrato, kapaligiran ng pamumuhay, at iba pang mga gayong bagay na kanilang tinatamasa sa buhay na ito, kaya nila binibigyan ng espesyal na atensiyon ang aspektong ito. Ginagamit nila ang katuparan ng mga salita ng Diyos ng mga pangako at pagpapala bilang pamantayan para sukatin ang lawak ng kapangyarihan ng Diyos at ang pagiging tunay ng pagkakakilanlan ng Diyos. Pinagninilayan at pinag-iisipan nila ito nang palihim—ito ang ibig sabihin ng pag-uusisa. Hindi interesados ang mga anticristo sa iba’t ibang katotohanan tungkol sa buhay pagpasok na sinasabi ng Diyos. Gayumpaman, sa sandaling mabanggit ang mga salita ng Diyos ng mga pangako at pagpapala, nagliliwanag ang kanilang mga mata sa pag-iimbot, umuusbong ang kanilang pagnanais. Sa panlabas, sinasabi nila, “Dapat nating igugol ang ating sarili para sa diyos nang walang kondisyon, dapat nating gawin ang ating mga tungkulin ayon sa mga hinihingi ng diyos,” pero saan ba aktuwal na nakatuon ang mga mata nila? Nakatuon ang mga ito sa mga gayong salita ng Diyos tulad ng Kanyang mga pangako at pagpapala. Kapag nakuha na nila ang mga ito, hindi na sila bumibitiw. Ganito ang pag-uugali ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos ng mga pangako at pagpapala sa tao.
2. Pag-uusisa sa mga Salita ng Pagsumpa at Kaparusahan ng Diyos sa Tao
Ang pangalawang aytem ay na inuusisa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos ng pagsumpa at kaparusahan sa tao. Ang pananaw at paninindigan ng mga anticristo tungkol sa pagsumpa at kaparusahang binanggit sa mga salita ng Diyos ay pareho sa kanilang pananaw at paninindigan sa unang aytem. Paano nila inuusisa ang mga ganitong klase ng salita? Kapag nakikita nila kung aling uri ng mga tao ang nilalayong isumpa ng mga salita ng Diyos at kung aling uri ang nilalayong parusahan ng mga ito, kung anong mga salita ang sinabi ng Diyos para isumpa ang gayong mga tao, kung anong paraan ang ginagamit ng Diyos para parusahan ang gayong mga tao, pati na rin kung anong pamamaraan at mga salita ang ginagamit ng Diyos para isumpa ang kung aling uri ng mga tao, nagsisimula silang magmasid sa kanilang pang-araw-araw na buhay, nagmamatyag kung paano naisasakatuparan ang mga salitang ito ng Diyos, at kung naisakatuparan na ba ang mga ito. Halimbawa, may isang lider ng iglesia na lumulustay sa pondo ng sambahayan ng Diyos, basta-bastang nagpaparusa at sumusupil sa mga kapatid, kumikilos nang mapaniil at padalos-dalos sa iglesia, namamahala nang walang mga prinsipyo, hindi naghahanap sa mga layunin ng Diyos, at hindi nakikipagtulungan nang maayos sa iba. Isinasaad ng mga salita ng Diyos na may pagsumpa at kaparusahan para sa ganitong uri ng tao. Nagmamasid ang isang anticristo: “Hindi minamahal ng diyos ang mga gayong tao, itinataboy niya ang mga ito. Pero paano niya itinataboy ang taong ito? Namumuhay nang komportable araw-araw ang naturang tao at inaapi niya ang mga kapatid nang hindi napupuna; walang magawa ang mga kapatid kundi tiisin ito. Kaya paano nagkakatotoo ang mga salitang ito ng diyos? Hindi ko nakikitang magkakatotoo ang mga ito; baka isang kasabihan lamang ang pagsumpa ng diyos sa mga gayong tao. Dapat may awtoridad ang mga salita ng diyos, at pagkatapos magsalita ng diyos, dapat may maramdamang pagkaligalig at pagkadismaya sa puso ng mga tao. Kailangan kong obserbahan at tingnan kung nakararamdam siya ng pagkaligalig sa puso niya, kailangan kong makipag-usap sa kanya at alamin ang nararamdaman niya.” Kaya, tinatanong ng anticristo ang naturang tao, “Kumusta ang mga karanasan mo kamakailan?” “Mabuti naman. Pinapatnubayan tayo ng diyos. Maayos naman ang buhay-iglesia, nakapasok na sa tamang landas ang mga kapatid, mahilig silang lahat na magbasa ng mga salita ng diyos, at maayos din ang pag-usad ng gawain ng ebanghelyo.” “Kapag hindi maayos ang pag-usad ng gawain, hindi ka ba nababagabag? Hindi ka ba nagiging negatibo? Dinidisiplina ka ba ng diyos? Nakakaramdam ka ba ng pagkadismaya sa loob mo?” “Hindi, bakit ako makakaramdam ng anumang pagkadismaya kung napakaayos naman ang paggawa sa gawain? Sa totoo lang, pinagpapala ako ng diyos.” Iniisip ng anticristo, “Hindi pa sinumpa ng diyos ang gayong tao, kaya ang mga salitang sinabi ng diyos tungkol sa pagsumpa sa masasamang tao, pagsumpa sa mga lumalaban sa Diyos, ay hindi pa naisasakatuparan! Ang lider na ito ay malinaw na may ginawang paglaban sa diyos at panggagambala sa gawain ng iglesia; dapat sumapit sa kanya ang pagsumpa ng diyos. Bakit hindi ito nangyari? Mahirap sabihin kung maisasakatuparan o hindi ang mga salita ng diyos tungkol sa pagsumpa sa mga tao, kaya patuloy akong magmamasid.” May isang parirala sa mga salita ng Diyos: “Ang paglaban ay humahantong sa kamatayan!” Sa mga mata ng anticristo, maraming tao ang lumalaban sa Diyos. Halimbawa, may mga tao na, noong una nilang maranasan ang yugtong ito ng gawain ng Diyos at hindi nila naunawaan ang katotohanan, nagsabi sila ng ilang salita na lumalapastangan at naninira sa Diyos, tinatanggihan ang yugtong ito ng gawain ng Diyos. Iniisip ng anticristo, “Lumalaban ba sa diyos ang mga taong ito? Kung oo, kung gayon ayon sa mga salita ng diyos, ang paglaban ay humahantong sa kamatayan. Pero pagkatapos ng napakaraming taon, tila walang namatay sa mga taong ito; hindi nagkatotoo ang mga salita ng diyos! Kahit na hindi sila mamatay, dapat mabalian man lang ng braso o maputulan ng paa ang mga taong ito, o magdusa ng ilang kapahamakan sa kanilang tahanan, tulad ng pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya, o pagkagiba ng kanilang bahay, o pagkaaksidente sa sasakyan. Wala sa mga kasawiang ito ang nangyari, kaya paano masasabi na ang paglaban ay humahantong sa kamatayan? Maaaring mahina ang kakayahan naming umunawa at hindi pa rin namin alam kung paano nagkakatotoo at naisasakatuparan ang mga salita ng diyos. Kung magkakatotoo man o hindi ang mga salita ng diyos, hindi alam ng mga tao; mahirap sabihin.” Tinitingnan ng anticristo, sa pamamagitan ng mga nakikitang katunayan at ng kanyang sariling mental na pagsusuri, at mula sa kanyang “natatanging” perspektiba, kung nagkakatotoo o hindi ang mga salitang ito ng Diyos at kung paano nagkakatotoo ang mga ito. Palagi niyang kinukuwestiyon ang usaping ito; hindi niya alam ang panghuling kalalabasan ng usaping ito, kung paano ipapaliwanag ang mga pangyayaring ito, o kung paano uunawain ang mga penomenang ito. Siyempre, madalas siyang nananalangin tungkol dito: “O diyos, pakiusap, bigyang-liwanag mo ako, hayaan mo akong maunawaan kung paano mo sinusumpa at pinarurusahan ang mga tao, at kung paano natutupad ang mga salita mo, para magkaroon ako ng pusong natatakot sa iyo, para matakot ako sa iyo at hindi ako gumawa ng mga bagay na lumalaban sa iyo.” Kapaki-pakinabang ba ang panalanging ito? Makikinig ba ang Diyos? (Hindi.) Hindi man lang ito pinapansin ng Diyos; itinuturing Niya ang mga panalanging ito katulad ng walang katuturang pag-iingay ng mga langaw at insekto. Bakit hindi pinakikinggan ng Diyos ang mga gayong panalangin? Dahil ang bawat pangungusap na binibigkas ng anticristo ay puno ng pagsubok, pang-uudyok, paninirang-puri, at kalapastanganan. Para sa gayong tao, bagamat hindi pa siya hayagang hinampas o kinondena ng Diyos, ang lahat ng kanyang ginagawa, ang kanyang mga iniisip, pananaw, at paninindigan, ay kinokondena sa mga mata ng Diyos. Pawang nakatago sa puso ang mga pagpapamalas na ito ng anticristo; ginagawa niya ang mga bagay na ito nang patago at inuusisa ang mga bagay na ito nang palihim. Siyempre, kinokondena at sinusumpa rin siya ng Diyos sa puso ng Diyos.
Tungkol sa mga salita ng Diyos ng pagsumpa at kaparusahan sa tao, hindi pinaniniwalaan o nauunawaan ng mga anticristo ang mga ito; madalas silang nagsisiyasat at nagsusuri: “Paano ba mismo nagkakatotoo ang mga salitang ito? Talaga bang maaaring magkatotoo ang mga ito? Para kanino magkakatotoo ang mga ito? Talaga bang nakakatanggap ng pagsumpa at kaparusahan ang mga isinusumpa at pinaparusahan ng diyos? Makikita ba ito ng mata ng tao? Hindi ba’t dapat gawing bisible ng diyos sa mata ng tao ang lahat ng ito?” Palagi nilang pinagninilayan ang mga usaping ito sa kanilang puso, itinuturing ang mga ito bilang mabibigat at mahahalagang isyu sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Sa tuwing may oras o pagkakataon sila, pinagninilayan nila ang mga ito. Hangga’t tama ang kapaligiran at nagaganap ang mga gayong pangyayari, o hangga’t may kinalaman ang mga gayong paksa, malinaw na nabubunyag ang kanilang paninindigan at pananaw. Sinisiyasat at sinisiraan nila ang mga salitang ito ng Diyos, sinusubukang unawain ang mga salitang ito mula sa perspektiba ng tao at sa paraan ng tao, habang sinusubok din kung maaari bang maisakatuparan ang mga salitang ito, kung nagkatotoo ba ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay at nagkaroon ng mga praktikal na epekto. Bakit nila ginagawa ito? Bakit nila pinag-iisipan at walang-sawang pinagninilayan ang mga bagay na ito sa kanilang puso? Dahil sa puso ng mga anticristo, gaano man karaming katotohanan ang ipinapahayag ng Diyos, hindi sapat ang mga ito para patunayan ang pagkakakilanlan o diwa ng Diyos. Ang tanging bagay na makakapagpatunay sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos ay kung nagkakatotoo at naisasakatuparan ang mga salita ng Diyos. Sa madaling salita, ang tanging pamantayan nila sa pagsubok sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos ay kung naisasakatuparan at nagkakatotoo ba ang mga salita ng Diyos. Gayundin, para subukin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, naging pamantayan na rin nila kung nagkakatotoo ba ang mga salita ng Diyos tungkol sa mga sumpa at kaparusahan sa tao. Ito ang pinakamahalagang kaisipan at pananaw ng mga anticristo sa pagsukat sa Diyos. Sinusubok at sinusuri ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos tungkol sa pagsumpa at kaparusahan sa tao gamit ang mga perspektiba at pamamaraan ng tao sa pag-unawa, at nang umaasa sa talino ng tao. Kapag, kahit anong mangyari, hindi nila makita ang mga katunayan at hindi makita ang tanawin na nais nilang makita, paulit-ulit nilang ikinakaila sa kanilang puso ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Kapag mas kaunti ang nakikita nila, mas tumitindi ang kanilang pagkakaila sa Diyos, at mas nagdududa sila kung naging sulit ba ang kanilang mga ipinuhunan at iginugol. Gayumpaman, kapag nasasaksikhan ng mga anticristo ang ilang masamang tao sa sambahayan ng Diyos na naninira sa Diyos o gumugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos, o ang mga lumalapastangan at lumalaban sa Diyos, na tumatanggap ng iba’t ibang antas ng kaparusahan o mga pagsumpa, at kapag nakikita ng mga anticristo kung ano ang nangyayari sa mga taong ito, namamangha sila sa Diyos, bigla nilang nararamdaman, “Ang diyos ay tunay na napakalakas. Naisasakatuparan ang anumang kanyang sabihin. Maayos naman ang lagay ng taong iyon noon pero bigla siyang namatay, dahil kahapon lang ay nilalait niya ang diyos! Ang isa pang tao, na kasinglakas ng kalabaw, ay biglang nagkasakit dahil nagdulot siya ng malalaking kawalan sa gawain ng sambahayan ng diyos at hindi man lang niya ito kinilala, kaya’t isinumpa siya ng diyos. Ang isa pang tao, dahil sa paggawa ng ilang kamalian at masamang gawa sa iglesia, ay nagkaroon ng mga kasawian sa kanyang pamilya, at mula noon, hindi na napayapa ang tahanan niya. Ang isa pang tao, na laging nagsasalita ng kalapastanganan tungkol sa diyos, ay nabaliw na ngayon, at sinasabi niyang siya ang diyos. Ito ay pagsapi ng mga demonyo; ibinigay siya ng diyos kay Satanas, inilalagay siya sa tirahan ng maruruming demonyo. Ang pagpaparanas sa kanya ng pagsapi ng masasamang espiritu ay hindi isang bagay na maaaring idulot ng mga tao; tanging ang diyos ang may awtoridad na gawin ito. Ang diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat—ibinigay niya ang taong iyon sa masasamang espiritu, at sinapian ang taong ito ng masasamang espiritu, na naging sanhi ng kanyang pagkabaliw at kawalan ng kahihiyan, kaya siya tumatakbo nang hubo’t hubad sa lansangan. Tingnan mo ang nangyari sa mga taong ito, ang mga kaparusahan at sumpang dinanas nila; ano ang ginawa nilang lahat?” Pagkatapos magbuod, kinabahan ang puso ng mga anticristo: “Kasama sa mga taong ito ang mga hayagang nanlalait sa diyos, ang mga hayagang lumapastangan at nanghusga sa diyos, at ang mga nanadyang magdulot ng mga kaguluhan at pagkagambala sa sambahayan ng diyos. Mukhang walang magandang naidudulot ang paglabag sa diyos! Tunay na napakalakas ng diyos! Kung sasalungatin mo ang ibang mga tao, wala silang masyadong magagawa sa iyo, pero kung sasalungatin mo ang diyos, seryoso iyon. Dapat kang managot sa iyong pag-uugali; napakalaki ng kabayaran! Sa pinakamababa, puwede kang mabaliw, at ibibigay ka ng diyos sa maruruming demonyo, na tiyak na nangangahulugang mapupunta ka sa impiyerno; sa pinakamalala, aalisin ng diyos ang iyong pisikal na pag-iral sa buhay na ito, wawasakin ka niya, at sa darating na mundo—hindi na kailangang sabihin pa—wala kang magiging hantungan, hindi ka makakapasok sa kaharian, at hindi ka makakatanggap ng mga pagpapala. Batay sa iba’t ibang paraan ng kanilang paglaban sa diyos, kailangan kong mas mag-ingat at magtakda ng ilang prinsipyo para sa aking sarili. Una, hindi ko dapat hayagang laitin ang diyos; kung kailangan, dapat na tahimik ko itong gawin sa puso ko. Pangalawa, kahit na may pagnanais at ambisyon akong maging diyos, hindi ko ito puwedeng ibunyag o ipaalam sa iba. Pangatlo, dapat kong kontrolin ang pag-uugali at mga kilos ko, hindi gagawa ng anumang bagay na makakagambala. Kung magdudulot ako ng mga kawalan sa gawain ng sambahayan ng diyos at magagalit ang diyos, napakalubha niyon! Sa mas magaang kaso, maaaring mawala ang buhay ko; sa mas malalang kaso, masusumpa ako at mahuhulog sa walang-hanggang hukay, at iyon na ang magiging katapusan ko.” Kapag nakikita ng mga anticristo na nangyayari ang mga bagay na ito, nararamdaman nila na nagkatotoo ang mga salita ng Diyos, at na napakadakila at napakalakas ng Diyos. Napagtatanto at kinikilala nila ang kadakilaan at pagiging malakas ng Diyos sa pamamagitan ng mga pangyayaring ito. Hindi ba’t mga proseso ng pag-iisip sa puso ng mga anticristo ang lahat ng ito, pati na rin ang mga prinsipyo ng pagkilos na kanilang ibinuod matapos makita ang mga bagay na ito, mga aktibidad ng kanilang mga panloob na mundo? Kilala bilang pag-uusisa ang lahat ng ginagawa nila sa Diyos sa kanilang puso.
Hindi hayagang sinasabi ng mga anticristo na, “Hindi sinusumpa ng diyos ang mga tao, hindi nagkatotoo ang mga salita ng diyos,” ni hayagang sinasabi na, “Pinarusahan ng diyos si ganito, isinumpa ng diyos si ganito. Nagkatotoo ang mga salita ng diyos, tunay na dakila ang Diyos.” Sa halip, nagpapakana, nagpaplano, at nagmumuni-muni sila tungkol sa mga usaping ito sa kaibuturan ng kanilang puso. Ano ang kanilang layon sa pagmumuni-muni? Iniisip nila kung ano ang gagawin kung magkatotoo ang mga salita ng Diyos, at kung ano ang gagawin kung hindi magkatotoo o hindi naisakatuparan ang mga salita ng Diyos. Ang layon ng kanilang pag-uusisa ay hindi para maunawaan ang mga kilos ng Diyos, hindi para maunawaan ang disposisyon ng Diyos, at lalong hindi para matamo ang katotohanan at maging isang kwalipikadong nilikha—kundi, para harapin ang lahat ng usaping ito, para komprontahin ang pagsumpa at kaparusahan ng Diyos, gamit ang mga pamamaraan at estratehiya ng tao. Ito ang pinaplano ng mga anticristo sa puso nila. Mapapatunayan ba ng serye ng mga kaisipan na ito tungkol sa mga salita ng Diyos na laban sila sa Diyos? Mapapatunayan ba nito na patuloy nilang sinisiraan at nilalapastangan ang Diyos? (Oo.) Tiyak ito! Ito ang ginagawa ng mga anticristo. Kung magkakatotoo ang mga salita ng Diyos, handa na ang kanilang mga kontra-hakbang; kung hindi magkatotoo ang mga salita ng Diyos, handa rin ang kanilang mga kontra-hakbang para doon—nagbabago ang kanilang mga kontra-hakbango depende sa kung magkakatotoo o hindi ang mga salita ng Diyos. Kung magkakatotoo ang mga salita ng Diyos, maayos ang asal ng mga anticristo, maingat na gumagawa ng mga gampanin sa sambahayan ng Diyos, nananatiling tahimik, hindi arogante o walang galang, nananatiling maingat na hindi gumawa ng anumang mali. Kung hindi magkakatotoo ang mga salita ng Diyos, hayagan silang kikilos nang pabasta-basta. Ano’t anuman, nakikita man ng kanilang mga mata na nagkakatotoo ang mga salita ng Diyos o hindi, hindi kailanman tunay na itinuturing ng kanilang puso ang Diyos bilang Diyos, hindi kailanman lubusang maibibigay ang kanilang puso sa Diyos. Hindi isinasakatuparan nang may puso ang kanilang mga tungkulin at kilos kundi ginagawa gamit ang mga pakana, panlalansi, at pagkukunwari, nang may panlilinlang, pagtatago, at pagkukubli. Hindi kailanman hayagang ibinabahagi sa iba o sa Diyos ang kanilang pinag-iisipan, pinagninilayan, at pinagdududahan sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa halip, matigas nilang itinuturing ang sarili nilang mga kaisipan at ideya bilang ang katotohanan, bilang ang tama at mabuting direksiyon at layon na isasakatuparan at isasagawa. Sa mga mata ng mga anticristo, napakahalaga kung magkakatotoo man o hindi ang mga salita ng Diyos ng pagsumpa at kaparusahan sa tao, sapagkat ito ang nagtatakda kung paano sila kikilos at aasal sa pang-araw-araw na buhay, kung paano nila tatratuhin ang gawain, at kung paano nila tatratuhin ang mga kapatid; ito rin ang nagtatakda kung anong mga pag-uugali lang ibubunyag nila, pati na rin kung anong mga kilos at pagpapamalas ang mayroon sila. Kapag nagkakatotoo ang mga salita ng Diyos, umaasal nang maayos at taos-puso ang mga anticristo, pinipigilan ang kanilang mga aktibidad, sinusubukang huwag gumawa ng anumang bagay na nagdudulot ng mga kaguluhan o pagkagambala at sinusubukang huwag magsalita ng mga salitang nakakagambala o nakakagulo, na naninira sa mga salita ng Diyos, o na naninira sa Kanyang gawain. Kung hindi nagkakatotoo ang mga salitang ito ng Diyos, pakiramdam nila ay malaya silang humusga at kumondena sa gawain ng Diyos nang walang pag-aalinlangan. Sa ganitong paraan, patuloy na kumokontra at tumututol ang mga anticristo sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso—posible bang hindi sila mabunyag at matiwalag? Tunay na kaaway ng Diyos ang ganitong saloobin, disposisyon, at diwa nila. Bagamat hindi magagawa ng mga anticristo ang anumang gusto nila, hinding-hindi nila tinatago ang kanilang iniisip, ang kanilang pinaplano, ang kanilang pinagninilayan, o ang kanilang mga pananaw sa kaibuturan ng kanilang puso, dahil hindi sila natatakot sa Diyos. Ano ang dahilan kung bakit hindi sila natatakot sa Diyos? Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, ni naniniwala na pinagmamasdan ng Diyos ang kaloob-looban ng puso ng tao. Samakatwid, sa lohika ng mga anticristo, ang itinuturing nilang pinakamatalinong estratehiya para sa pananatiling buhay ay ito: “Ang ginagawa at kinikilos ko, ang nakikita ng iba, ay puwedeng maging pamantayan sa pagsukat kung anong klase ng tao ako. Pero kung ano ang iniisip ko sa puso ko, kung ano ang aking plano at layunin, kung ano ang aking panloob na mundo, kung sinisiraan at nilalapastangan ko ang diyos, hinuhusgahan ang diyos, o nananalig at nagpupuri ako sa diyos—kung hindi ko ito sasabihin, wala sa inyo ang makakaalam. Galingan ninyo sa pagkondena sa akin! Kung hindi ako magsasalita, wala sa inyo ang makakaasang makaalam kung ano ang iniisip o pinaplano ko sa puso ko, o kung ano ang aking saloobin at pananaw sa diyos, at walang makakapag-akusa sa akin ng anumang kasalanan.” Ito ang plano ng mga anticristo. Naniniwala silang ito ang pinakamataas na prinsipyo ng pag-asal sa pamumuhay at paggawa ng mga bagay kasama ang mga tao. Hangga’t hindi mali ang pag-uugali nila at walang pagkakamali sa kanilang mga kilos, walang sinuman ang maaaring makialam sa saloobin nila sa kanilang puso. Hindi ba’t napakamautak ng mga anticristo? (Hindi.) Paanong hindi sila mautak? Napakagaling nilang magbalatkayo. Kapag nagdarasal sila, ginagawa nila ito sa mga kanto ng kalsada, at pawang tama ang mga salitang sinasabi nila sa harap ng iba, na hindi mahanapan ng mali. Habang tumatagal ang kanilang pananampalataya, lalo silang nagiging espirituwal. Ang tunay nilang iniisip sa kanilang puso, sinasabi lamang nila sa kanilang pamilya sa likod ng mga nakasarang pinto, at ang ilan ay hindi nagsasabi kahit sa kanilang pamilya, kaya walang makakilatis sa kanila. Ngunit may nakakalimutan silang isang bagay: Ano ba ang silbi kung nakikilatis man sila ng mga tao o hindi? Hindi ito mahalaga; walang tao ang makapagpapasya sa kapalaran ng ibang tao. Hindi mahalaga kung makilatis man sila ng mga tao o hindi; wala itong kaugnayan at wala itong itinatakda. Ang mahalaga ay hindi lamang tinitingnan ng Diyos ang panlabas na pag-uugali ng mga tao, kundi pinagmamasdan din Niya ang kaibuturan ng kanilang puso. Dahil mismo hindi pinaniniwalaan at hindi alam ng mga anticristo na nakikita ng Diyos ang kaloob-looban ng puso ng tao, hangal at katawa-tawa nilang iniisip na, “Walang puwedeng makialam sa aking saloobin sa puso ko, hindi ang mga tao o ang diyos.” Kayang pagmasdan ng Diyos ang kaloob-looban ng puso ng tao, kaya may kaugnayan ang iyong mga iniisip sa depinisyon ng Diyos sa iyo. Hindi lamang kinokondena ng Diyos ang mga tao batay sa kanilang panlabas na pag-uugali, kundi ang mas mahalaga, batay sa kanilang mga panloob na kaisipan. Dito nagiging hangal ang mga anticristo; habang inuusisa nila ang mga salita ng Diyos, nalilimutan nila ang isang mahalagang bagay: lihim ding nagmamasid ang Diyos sa kanilang mga iniisip. Inuusisa nila kung nagkakatotoo ang mga salita ng Diyos, at ang nagiging kongklusyon nila ay na dapat nilang itatwa ang mga salita ng Diyos at ang Kanyang pag-iral. Habang lihim na nagmamasid sa kanila, nakikita ng Diyos ang saloobing pinanghahawakan nila tungkol sa Diyos at sa mga salita ng Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso; nakikita Niya ang lahat ng ebidensya ng kanilang paninirang-puri at paglapastangan sa Diyos, pagtatwa at pagkondena sa Diyos, at namamasdan din Niya ang panlabas na pag-uugali na dulot ng lahat ng kaisipan at pananaw na ito. Batay sa kanilang mga kaisipan at pag-uugali, paano tinutukoy ng Diyos ang gayong tao sa huli? Isang anticristo, isang kaaway ng Diyos, na hindi kailanman maliligtas. Ito ang resulta. Matatalino ba ang mga anticristo? Malayo sila sa pagiging matalino; ipinahamak nila ang kanilang sarili. Naniniwala sila na napakahusay nilang mag-isip, na napakalohikal ng kanilang pag-iisip, at na napakahusay nila sa pagpapakana. Pagkatapos magpakana, mayroon silang mga kontra-hakbang at pamamaraan para sa iba’t ibang hindi inaasahang pangyayari at para sa lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos, na palaging humahantong sa mga pinakamainam na resulta at pakinabang. Madalas silang nasisiyahan at humahanga sa kanilang sarili, pinasasalamatan ang kanilang sariling mga abilidad at kasanayan. Naniniwala sila na sila ang pinakamatalinong tao sa mundo: Nauunawaan nila kung ano ang pinagmulan ng mga salita ng Diyos, kung kanino nakatuon ang mga ito, ang konteksto sa likod ng mga salita ng Diyos, kung anong saloobin ang dapat nilang panghawakan pagkatapos magkatotoo ng mga salita ng Diyos, at kung anong mga kontra-hakbang ang dapat nilang gamitin kung hindi magkakatotoo ang mga salita ng Diyos. Madalas nilang purihin ang kanilang sarili sa pagiging napakatalino at perpekto, sa pagiging mas matalino kaysa sa karaniwang tao. Bakit nila pinupuri ang kanilang sarili? Pakiramdam nila, ang pagsisiyasat, pagsusuri, at pakikipagtagisan sa Diyos at pag-uusisa sa mga salita ng Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso ay sobrang kapanapanabik at nagbibigay sa kanila ng malaking pakiramdam ng tagumpay. Samakatwid, talagang hinahangaan nila ang kanilang sarili at pinupuri ang kanilang sarili sa pagiging gayong uri ng mga tao. Hindi ba’t hangal ang mga anticristo? Maaari mo ngang malaman sa pamamagitan ng pakikipagtagisan sa ibang tao kung sino sa inyo ang mas nakahihigit, at maaari mo pa ngang maramdaman ang sarili mong kalamangan at pag-iral. Ngunit kapag nakikipagtagisan ka sa Diyos, nag-uusisa sa mga salita ng Diyos, sa mga kilos ng Diyos, sa lahat ng ginagawa ng Diyos, ano ang tawag doon? At ano ang mga kahihinatnan nito? Ito ay pagtawag ng kamatayan! Maaari kang mag-usisa sa mga artista, mang-aawit, sikat na tao, mga dakilang tao—sa kahit sino, ngunit ang tiyak na hindi mo dapat usisain ay ang Diyos. Kung gagawin mo ito, mali ang pinipili mong pakay para sa iyong pag-uusisa. Sa mundo ngayon ng makabagong impormasyon at iba’t ibang kasangkapan na nagpapadali sa daloy ng impormasyon, ang pag-uusisa sa kinaroroonan ng ibang tao, sa kanilang mga kaisipan at pananaw, at kanilang pang-araw-araw na buhay ay maaaring hindi maituturing na kahiya-hiya. Gayumpaman, para sa isang taong nananampalataya at sumusunod sa Diyos, na nagtataguyod sa mga salita ng Diyos at kumakain at umiinom ng mga ito araw-araw, ang palagiang pag-usisa sa lahat ng kilos ng Diyos, lahat ng salita ng Diyos, at lahat ng gawain ng Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, ito ay isang mapangahas na pagsuway! May mga tiwaling disposisyon ang mga tao; kapag ibinunyag mo ang iyong katiwalian sa harap ng Diyos, maaari kang tustusan ng Diyos ng katotohanan para makaunawa at makaalam ka, binibigyan ka ng panahon para magkamit ng pagbabago. Maaaring patawarin at hindi tatandaan ng Diyos ang katiwalian, mga pagsalangsang, at mga kasalanan ng mga tao. Ang tanging hindi kayang patawarin o tiisin ng Diyos ay na walang pusong nagpapasakop ang mga anticristo, na palagi nilang sinisiyasat ang Diyos, gayundin ang palagian, patuloy nilang pag-uusisa sa gawain ng Diyos at sa mga salita ng Diyos sa lahat ng oras at lugar. Ano ang sinusubukan mong gawin? Gusto mong subukin ang pagiging tama ng Diyos? Sino sa tingin mo ang binabantayan mo? Gusto mong suriin ang pinagmulan at motibo kung bakit ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito? Sino ka ba sa akala mo? Sa kabila ng lahat ng ito ay hindi mo pa rin itinuturing ang sarili mo bilang isang tagalabas? Maaari bang maging pakay ang Diyos ng iyong pag-uusisa? Maaari bang maging pakay ang Diyos ng iyong pagsisiyasat? Ang pagtanggap mo sa pagsisiyasat ng Diyos, pagtanggap sa gabay ng Diyos, pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, pagtanggap na mapungusan Niya, at lahat ng gayong positibong pagsasagawa na may kinalaman sa pagbabago ng disposisyon—marapat ang mga ito. Kahit minsan mali ang pagkakaunawa mo sa Diyos, kapag mahina at negatibo ka at nagrereklamo tungkol sa Diyos, hindi ito minamasama ng Diyos, ni hindi ka Niya kinokondena. Ngunit may isang bagay: Palagi mong inuusisa ang Diyos, palagi mong sinusubukang kilatisin ang kawastuhan ng mga salita ng Diyos at ng gawain ng Diyos—isang bagay ito na hinding-hindi patatawarin o kukunsintihin ng Diyos; ito ang disposisyon ng Diyos. Ang tunay na mga tiwaling tao ay hindi mga hayop; hindi nila kinokontra ang Diyos nang ganito, ni wala silang mga gayong pananaw at saloobin, hindi rin nila tinatrato ang Diyos sa ganitong paraan. May isang bagay lamang, isang papel, na maaaring mapangahas at hayagang tumindig laban sa Diyos, at si Satanas iyon. Hindi tinatandaan ng Diyos ang mga pagsalangsang at katiwalian ng mga tao, ngunit hindi kailanman mapapatawad ng Diyos ang pagkontra, pagkompronta, paglapastangan, at paninirang-puri ni Satanas sa Diyos. Inililigtas lamang ng Diyos ang mga tiwaling tao, hindi si Satanas. Ang mga anticristo, na hindi nagbabago ang kalikasan at nagtataglay ng diwa ng mga anticristo, ay maaaring kumatawan kay Satanas, tumitindig laban sa Diyos sa ngalan ni Satanas, inuusisa ang mga salita ng Diyos. Ano ang saloobin ng Diyos sa kanila? Isang saloobin ng pagsumpa at pagkondena. Hindi mapigilan ng mga anticristo ang pagkilos nang ganito, at tinatawag nila ang kamatayan.
3. Pag-uusisa sa mga Salita ng Diyos na Nagpopropesiya ng Kalamidad
Ngayon lang, nagbahaginan tayo sa dalawang aytem tungkol sa mga anticristo na nag-uusisa kung nagkakatotoo ba ang mga salita ng Diyos: Ang isang aytem ay tungkol sa mga salita ng mga pangako at pagpapala ng Diyos, at ang isa pa ay tungkol sa mga salita ng sumpa at parusa ng Diyos sa mga tao. Kasunod, tingnan natin ang ikatlong aytem, ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng kalamidad. Tulad ng naunang dalawang aytem, pareho rin ang saloobin ng mga anticristo tungkol sa ganitong uri ng mga salita: Mausisa sila, nais nilang siyasatin, unawain, at makita rin ang araw kung kailan magkakatotoo ang mga salitang ito, na masaksihan ang paglitaw ng mga katunayan. Sa pagtrato sa mga ganitong uri ng salita, ang mga anticristo ay nagpapakana rin sa kaibuturan ng kanilang puso, nag-iisip ng mga kontra-hakbang at nagkakaroon ng iba’t ibang pagdududa. Pinagmamasdan at sinusubok nila kung nagkakatotoo ang ganitong uri ng mga salita upang makabuo sila ng mga kaukulang kontra-hakbang. Kapag binabasa ng mga anticristo ang mga salitang ito na nagpopropesiya ng mga kalamidad, napupuno ng pananabik ang puso nila para sa araw na matutupad ang mga kalamidad, at puno sila ng iba’t ibang imahinasyon. Umaasa sila na magkakatotoo ang mga salita ng Diyos at umaasa rin sila na ang pagdating ng mga kalamidad ay magpapalawak ng kanilang mga pananaw, matutugunan ang kanilang mga kahilingan at pagnanais. Bakit ganito? Dahil ang mga kalamidad na iprinopesiya ng Diyos ay pawang may kaugnayan sa pagsasakatuparan ng dakilang gawain ng Diyos, sa araw ng pagkaluwalhati sa Diyos, sa pagka-rapture ng mga banal, sa pagpasok ng sangkatauhan sa isang kamangha-manghang hantungan, at iba pa. Samakatwid, higit pang puno ng pananabik at pagkamausisa ang mga anticristo tungkol sa bahaging ito ng mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad. Kung ikukumpara sa unang dalawang aytem, mas interesado pa ang mga anticristo sa ganitong uri ng mga salita. Sa puso ng mga anticristo, naniniwala sila na kung may makakapagdulot ng kalamidad, tulad ng lindol, salot, pananalakay ng mga insekto, pagbaha, pagguho ng lupa, o ng iba pang natural na kalamidad, kung gayon, ang entidad na iyon ay isang napakamakapangyarihang entidad, nagtataglay ng dakilang abilidad, at karapat-dapat sa kanilang pagsunod, pagsamba, at pagtitiwala. Samakatwid, gayundin, ginagawa ring pamantayan ng mga anticristo kung nagkakatotoo ba ang mga gayong salita tulad ng mga propesiya ng Diyos ng kalamidad para masukat kung ang Diyos ay tunay nga na Diyos. Pinanghahawakan nila nang mahigpit ang ganitong uri ng lohikal na pag-iisip, ideya, at pananaw sa puso nila, naniniwala sila na ang pananaw na ito ay tama, wasto, at isang matalinong hakbang. Kaya, mula sa araw na nagsimula silang sumunod sa Diyos, mula sa sandaling nakita nila ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad, iniisip-isip na ito ng mga anticristo sa kanilang puso. Inaalala nila ang tungkol sa kung ano ang sinasabi sa mga salita ng Diyos—kailan darating ang mga huling araw, kailan maisasakatuparan ang dakilang gawain ng Diyos, paano kakastiguhin ng Diyos ang sangkatauhan, anong uri ng mga kalamidad ang idudulot ng Diyos upang parusahan at wasakin ang sangkatauhan, anong pamamaraan ang gagamitin ng Diyos upang isadlak ang sangkatauhan sa mga kalamidad, at kung paanong ang mga sumusunod lamang sa Diyos at nakakakuha ng Kanyang pagsang-ayon ang makakaiwas at makakatakas sa mga gayong kalamidad, at hindi magdurusa sa mga pagpapahirap ng mga gayong kalamidad. Itinuturing ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad bilang napakahalaga, sinusuri ang mga ito sa puso nila at kinakabisado at binibigkas ang mga ito sa kanilang isipan. Tinatandaan nila ang bawat salitang may kaugnayan sa mga kalamidad, at iniisip din nila kung kailan at paano magkakatotoo ang isang partikular na kalamidad. Pinag-iisipan nila kung ano ang kanilang gagawin kung magkatotoo ito, anong uri ng kalamidad ang ipinahihiwatig ng isang partikular na propesiya, at kung ano dapat ang reaksiyon nila kung magkatotoo nga ito. Mula nang makita nila ang mga propesiyang ito, tila nakahanap ang mga anticristo ng isang bagay na pagsisikapan, ng isang direksiyon at isang layon, sa pananampalataya nila sa Diyos. Habang naghihintay na sumapit ang mga kalamidad, hinahanda rin nila ang kanilang sarili sa lahat ng paraan. Upang maprotektahan ng Diyos kapag dumating ang malalaking kalamidad, ipinapalaganap nila ang ebanghelyo, tinatalikdan ang kanilang mga trabaho at pamilya. Kasabay nito, upang makaligtas kapag sumapit na ang mga kalamidad, madalas silang nananalangin nang mapagpakumbaba sa Diyos, umaasa na magkakatotoo ang mga salita ng Diyos sa lalong madaling panahon, na maisasakatuparan nang mabilis ang lahat ng nais na makamit ng Diyos, na magkakamit ang Diyos ng kaluwalhatian at hindi matatagalan ay makakapagpahinga na Siya, at na malapit na silang magtamasa ng mga pagpapala ng kaharian ng langit. Mula sa lahat ng pananaw na ito ng mga anticristo, mula sa mga salita at panalangin na madalas nilang binibigkas, tila sabik ang mga anticristo sa pagsasakatuparan ng dakilang gawain ng Diyos at sa maagang pamamahinga ng Diyos. Gayumpaman, ang hindi alam ng mga tao, sa likod ng mga pag-asang ito ay nakatago ang masasamang layunin ng mga anticristo. Umaasa sila na sa pamamagitan ng mga gayong panalangin at huwad na pagpapakita, maiiwasan nila ang mga kalamidad at gawing kanlungan ang Diyos. Habang naghahanda sila para sa lahat ng ito, umaasa rin sila na darating kaagad ang mga kalamidad at na malapit nang magkatotoo ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad. Sa loob ng hangganan ng kaya nilang tiisin, patuloy silang nagbabayad ng halaga, gumugugol ng kanilang sarili, nagdurusa, at nagtitiis gaya ng dati, pinipiga ang kanilang utak para magpakitang-gilas sa lahat. Gusto nilang kilalanin ng lahat kung gaano kalaki ang halagang ibinayad nila para ipalaganap ang ebanghelyo, kung gaano katindi ang diskriminasyon at pang-uusig na tiniis nila, at ang malaking sakripisyong ginawa nila sa paghihintay para sa araw na ito. Umaasa sila na kapag nakita ng Diyos ang pagdurusang tiniis nila at ang halagang ibinayad nila, ililigtas Niya sila sa anumang kalamidad kapag sumapit na ito. Kasabay nito, dahil sa halagang ibinayad nila, umaasa sila na masuwerteng mapabilang sa mga taong magkakaroon ng magandang hantungan at mapagpapala pagkatapos ng kalamidad. Sa kaibuturan, tahimik at hindi halatang kinakalkula ng mga anticristo ang lahat ng ito. Sa wakas, isang araw, dahil sa isang maliit na insidente, nakaranas ng problema ang mga anticristo, at tila kinondena ang kanilang mga kilos at asal. Ibig sabihin, malapit nang mawasak ang kanilang mga pag-asa at pantasya, malapit nang hindi matupad ang kanilang mga pagnanais. Sa sandaling ito, ano ang unang naiisip ng mga anticristo sa kaibuturan ng kanilang puso? “Napakarami ko nang ibinigay, nagdusa ako nang labis, nagtiis ako nang napakaraming araw, nanampalataya ako sa loob ng napakaraming taon, ngunit hindi ko pa na kita na nagkakatotoo ang anumang salita ng diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad. Talaga bang maghahatid ng mga kalamidad ang diyos? Tutuparin ba ng diyos ang ipinagdarasal at hinihintay natin? Nasaan ba mismo ang diyos? Ililigtas ba talaga niya tayo o hindi? Umiiral ba talaga ang mga kalamidad na binanggit ng diyos? Kung hindi umiiral ang mga ito, dapat umalis na lang tayong lahat dito. Ang diyos na ito ay hindi maaaring paniwalaan, walang diyos!” Ito ang limitasyon ng mga anticristo. Isang maliit na problema, marahil isang di-sinasadyang salita ng pagkondena at paglalantad mula sa ibang tao, ang nakasagi sa kanilang sensitibong bahagi, at pagkatapos ay sumasabog sila sa galit, hindi na makapagpigil o makagpanggap pa. Ang unang ginagawa nila ay sumiklab sa galit, itinuturo ang mga salita ng Diyos at sinasabing: “Kung hindi magkakatotoo ang mga salita mo, kung hindi mangyayari ang mga kalamidad na sinabi mo, hindi na ako maniniwala sa iyo. Sa simula, dahil lamang sa mga salitang ito na nagpopropesiya ng mga kalamidad kaya ako nangaral ng ebanghelyo, nagbayad ng halaga, at gumawa ng aking tungkulin. Kung wala ang mga salitang ito, hinding-hindi ako mananampalataya sa iyo! Dahil sa mga salitang ito, dahil sa nalalapit na mga kalamidad, kaya ako naniwala na ikaw ay diyos. Pero ngayon, pagkatapos magdusa nang labis, hindi pa nangyayari ang mga kalamidad na sinabi mo. Napakarami sa mga hindi mananampalataya ang gumagawa ng kasamaan, pero wala sa kanila ang naparusahan—wala ni isa sa kanila ang nasadlak sa kalamidad. Namumuhay pa rin sila sa kasalanan, nagsasaya sa kanilang buhay, samantalang nagkokompromiso ako sa loob ng maraming taon, hinihintay ko lang ang araw na magkakatotoo ang iyong mga salitang nagpopropesiya ng mga kalamidad. Pero ano ang nagawa mo, o diyos? Alang-alang sa aming masidhing pananabik, hindi ka kailanman nagpakita ng anumang tanda o hiwaga, hindi kailanman naghahatid ng anumang kalamidad, upang makita namin, upang palakasin ang aming pananalig, upang patibayin ang aming katapatan. Bakit hindi mo ginagawa ang mga gayong bagay? Hindi ba’t diyos ka? Napakahirap bang maghatid ng mga kalamidad para parusahan ang masamang mundong ito, ang masamang sangkatauhang ito? Gusto lang naming patatagin ang aming pananalig sa pamamagitan ng katuparan ng mga bagay na ito, pero sadyang hindi ka kumikilos. Kung hindi ka kikilos, hindi na namin kayang manampalataya sa diyos; wala kaming anumang makakamit, at walang saysay na manampalataya pa sa diyos. Hindi na kailangan pang manampalataya, hindi na kailangan pang gawin ang aming mga tungkulin, hindi na kailangan pang ipalaganap ang ebanghelyo.” Sa pagharap sa isang maliit na problema, sa pagharap sa kaunting paghihirap o kawalan ng kasiyahan sa buhay, maaaring mabunyag ang tunay na kulay at iniisip ng mga anticristo sa kanilang kaloob-looban sa anumang oras at lugar, na talagang nakakatakot. Kung kailan sasapit ang mga kalamidad, kung magkakatotoo ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad, kung paano at kailan magkakatotoo ang mga ito, itinatakda ng Diyos ang lahat ng ito. Kapag sinasabi ng Diyos sa mga tao ang mga bagay na ito, ito ay upang bigyan sila ng mukha, upang tratuhin sila bilang mga tao—hindi upang gamitin ang mga salitang ito bilang paraan para magkaroon ng kalamangan laban sa Diyos at hatulan Siya. Nagkakamali ang mga anticristo sa paniniwala na dahil nagsalita ang Diyos ng mga salitang ito, dapat Niyang tulutan ang mga tao na makita ang mga ito na magkatotoo habang sila ay nabubuhay pa; kung hindi, walang bisa ang mga salita ng Diyos. Ang diyos na may mga salitang maaaring mawalan ng bisa ay hindi dapat ituring na diyos, hindi karapat-dapat na maging diyos, at hindi karapat-dapat na maging kanilang diyos; ito ang lohika ng mga anticristo.
Mula sa simula hanggang wakas, nais lamang ng mga anticristo na samantalahin ang mga salitang ito ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad. Ang mga salitang ito ang nagbigay-inspirasyon sa kanila, dahil sa mga ito ay naisip nilang gamitin ang mabubuting asal ng tao at lahat ng kanilang sakripisyo at ang mga pagdurusa ng laman para ipagpalit sa pagpapala na makaiwas sa mga kalamidad. Sa buong panahong ito, ang tanging pakay nila ay makaiwas sa mga kalamidad at makapagtamo ng mga pagpapala. Hindi nila kailanman tunay na itinuring na Diyos ang Siyang nagpahayag ng mga salitang ito. Mula simula hanggang katapusan, palaging kontra sa Diyos ang mga anticristo, palaging sinusubok at sinusukat ang Diyos bilang isang paraan para usisain ang mga salita ng Diyos. Kung magkatotoo ang mga salita ng Diyos at napalawak ang kanilang mga pananaw, nagkakatotoo ayon sa kanilang panlasa, mga pananaw, at mga pangangailangan, kung gayon, itinuturing nilang Diyos ang Diyos. Ngunit kung salungat ito sa kanilang mga kahilingan, pananaw, at pangangailangan, ang Siyang nagpahayag ng mga salitang ito ay hindi nila itinuturing na Diyos. Ito ang pananaw na pinanghahawakan ng mga anticristo. Malinaw na sa kaibuturan, hindi nila kailanman kinilala na ang Diyos ang Lumikha, ni kinilala ang katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Pagkatapos dumaan sa mga sunod-sunod na pagdurusa, magtiis nang mapagpasensya, at magtalo ang kanilang kalooban, natutunan ng mga anticristo ang isang aral: “Hindi dapat basta-bastang limitahan ang mga salita ng diyos, ni maaaring basta-basta at walang kabuluhang gamitin ang katuparan ng mga salita ng diyos bilang pamantayan para sukatin ang kanyang pagkakakilanlan at diwa. Hindi pa tayo sapat na naihanda at kailangan pa nating patuloy na magtiis, na palawakin ang ating isipan. Gaya ng mga kasabihan, ‘Ang puso ng isang punong ministro ay sapat na malaki upang maglayag ang isang bangka rito’; ‘Kung may buhay, may pag-asa.’ Ano naman kung hindi magkatotoo ang mga salitang ito? Walang problema. Nakayanan ko na ang lahat ng ito sa loob ng maraming taon; marahil kung magtitiis ako ng ilang taon pa, magkakatotoo ang mga salita ng diyos, at may makakamit ako. Titiisin ko na lang ito nang kaunti pa, susugal pa ako. Hindi ako pwedeng magalit; kung hindi, masasayang ang lahat ng aking naging pagsusumikap, at mawawalan ng saysay ang lahat ng pagdurusang tiniis ko. Iyon ay magiging malaking kawalan! Kung ihahayag ko na ngayon ang aking mga iniisip, kung titindig ako para itatwa, kuwestiyunin, at akusahan ang diyos, hindi iyon magiging matalinong hakbang. Dapat akong patuloy na magbayad ng halaga, magtiis ng paghihirap, at patuloy na magtiis. Ang pariralang ‘Ang siyang nagtitiis hanggang wakas ay maliligtas’ ay hindi dapat kalimutan. Ang kasabihang ito ay totoo sa lahat ng oras at nananatiling ang pinakamataas na katotohanan. Dapat kong itaguyod ang kasabihang ito at palaging itanim ito sa aking puso.” Pagkatapos ng isang panahon ng pagiging negatibo at pananahimik, sa wakas ay “tumindig” na muli ang mga anticristo.
Sa proseso ng paggawa ng kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, nagsasagawa ng iba’t ibang uri ng gawain ang mga anticristo habang naglilingkod sa iba’t ibang tungkulin. Tila walang pagbabago sa panlabas, ngunit habang tumatagal ang pananampalataya nila sa Diyos at habang tumatagal ang pagsunod nila sa Kanya, lalo pang binubusisi ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng kalamidad. Bakit ganito? Kapag mas matagal na ang pananampalataya nila sa Diyos, nangangahulugan ito na mas marami na silang isinakripisyo, mas marami na silang tinalikdan, at mas kaunti na ang kanilang paraan para makabalik sa sekular na mundo. Kaya naman, tungkol sa mga salitang ito na nagpopropesiya ng mga kalamidad, lalo pa at hindi namamalayang iniisip ng mga anticristo na, “Sana totoo ang lahat ng ito. Dapat magkatotoo ang lahat ng ito.” Itinuturing nila ang “dapat” na ito at ang matibay na pananampalatayang ito bilang kanilang tunay na pananalig sa Diyos. Itong diumano’y tunay na pananalig na ito ang nagtutulak sa kanila na gawin ang kanilang mga tungkulin, na magdusa at magbayad ng halaga, na magtiis nang higit pa, gaya lamang ng sinasabi ng mga walang pananampalataya: “Kailangan mong itaya ang lahat para manalo.” Habang pinanghahawakan ang gayong paniniwala, inuusisa ng mga anticristo ang araw kung kailan magkakatotoo ang mga salita ng Diyos. Sa wakas, dumating na ang araw na iyon—patuloy na nangyayari ang mga sakuna at kalamidad sa mundong ito, nagaganap sa iba’t ibang sulok, sa iba’t ibang bansa at sa iba’t ibang lahi. Ang mga kalamidad na ito, malaki at maliit, ay kumikitil ng maraming buhay, binabago ang kapaligirang tinitirhan ng maraming tao, binabago ang ekolohikal na kapaligiran, binabago ang maraming iba’t ibang istruktura at paraan ng pamumuhay sa lipunan, at iba pa. Gayumpaman, kahit anong mangyari, sa mga mata ng mga anticristo, nagkakatotoo pa rin nang kaunti ang mga salita ng Diyos, na siyang pinakakasiya-siyang bagay sa kaibuturan ng kanilang puso. Pakiramdam nila na pagkatapos ng lahat ng taon na ito, hindi sila nagtiis o naghintay sa wala, at sa wakas ay nasaksihan nila ang araw at yugto kung kailan nagkakatotoo ang mga salita ng Diyos. Pero nararamdaman nilang hindi sila dapat panghinaan ng loob o sumuko; kailangan nilang patuloy na magtiis at maghintay. Ano ang pinakabumabagabag sa mga anticristo sa kaloob-looban nila, gaano man sila nagtitiis o naghihintay? “Nagkatotoo na ang maliliit na kalamidad; ang taggutom, mga salot, ang pagkakawatak-watak ng ilang politikal na rehimen—nagkakatotoo nang kaunti ang lahat ng ito. Pero kailan magkakatotoo ang malalaking kalamidad?” Sa isang banda, naniniwala ang mga anticristo na unti-unting nagkakatotoo ang bahaging iyon ng mga salita ng Diyos, habang sa kabilang banda, nagdududa sila: “Hindi ba’t mga natural na sakuna lamang ang mga kalamidad na ito? Patuloy na nagaganap sa buong kasaysayan ang mga kalamidad. Katuparan ba ng mga salita ng diyos ang mga paglitaw ng mga kalamidad na ito? Kung hindi, ano ang mga ito? Hindi ako dapat mag-isip nang ganito; dapat maniwala sa mga salita ng diyos ang isang mananampalataya sa diyos. Pero ganoon ba kadaling natutupad ang mga salita ng diyos? Paano ito ginawa ng diyos? Bakit hindi ko nakitang ginawa niya ito? Bakit hindi ko alam ang tungkol dito? Kung gawa ito ng diyos, dapat na makita ito ng kanyang mga mananampalataya, dapat silang bigyan ng diyos ng mga pangitain. Pero hindi namin nakita ang kamay ng diyos, ni narinig ang tinig ng diyos. Kung gayon, maaari kayang nagkataon lamang ang mga pangyayaring ito? Hindi ako dapat mag-isip nang ganito; pwedeng magpahina sa akin ang mga ganitong kaisipan. Kailangan ko pa ring maniwala na katuparan ng mga salita ng diyos ang lahat ng ito; ituturing ko na lamang ito bilang kataas-taasang kapangyarihan ng diyos, bilang mga salita ng diyos na nagkakatotoo, hindi nagkataon lamang. Sa ganitong paraan, mas napapanatag ang puso ko.” Pakiramdam nila ay napakatalino ng pag-iisip sa ganitong paraan at na nasuri nila nang maayos ang sitwasyon, nagawa nilang hindi pagdudahan ang Diyos habang pinatatatag din ang sarili nilang pananalig, at pinapatahimik din ang labis na pagkabalisa at pagnanais sa loob ng kanilang puso. Habang gumagawa ng mga pansamantalang konsesyon at kompromiso, hinihintay ng mga anticristo ang pagsapit ng malalaking kalamidad. “Kailan darating ang malalaking kalamidad? Kapag dumating ang mga ito, mara-rapture sa himpapawid ang mga banal, pero saan mismo mangyayari iyon? Paano nangyayari ang pagra-rapture? Lilipad ba sila o iaangat ng kamay ng diyos? Kapag nangyari ang malalaking kalamidad, tataglayin pa rin ba ng mga tao ang kanilang pisikal na katawan? Isusuot pa rin ba nila ang kanilang mga kasalukuyang damit? Mamamatay na ba ang lahat ng walang pananampalataya? Anong klaseng kalagayan o sitwasyon iyon? Hindi ito kayang isipin ng mga tao. Mas mabuti pang huwag ko na lang isipin ito sa ngayon. Maniniwala na lang ako na siguradong magkakatotoo ang mga salita ng diyos. Pero pwede ba talagang magkatotoo ang mga ito? Kailan darating ang araw na iyon?” Patuloy nilang tinatanong ang kanilang sarili ng mga katanungang ito, paulit-ulit na nagdududa. Dahil malapit na nauugnay at malalim na konektado ang mga kalamidad na ito sa kanilang kinabukasan at kapalaran, naniniwala ang mga anticristo: “Hindi ako dapat magpakakampante sa aking paghahangad at pagsunod sa katuparan ng mga kalamidad sa anumang oras. Hindi ko pwedeng sukuan ang bagay na ito. Kaya, ano ang dapat kong gawin? Kailangan kong ipalaganap nang malawakan ang ebanghelyo, masigasig na gawin ang aking mga tungkulin, iwasan ang pagsasanhi ng mga pagkagambala o kaguluhan o pagkakamali, at manatiling mababang-loob, nang hindi nagiging mayabang. Hangga’t hindi ako nagkakamali at hindi pinapatalsik sa iglesia, sapat na iyon. Tiyak na makakarating ako sa kanlungan; ito ang pangako ng diyos—sino ang makakaagaw nito?” Kapag unti-unti nang bumababa ang maliliit na kalamidad, at nasasadlak sa mga kalamidad ang buong sangkatauhan, nagiging payapa at matiwasay ang mga anticristo sa kaloob-looban nila. Kasabay nito, inaasam nila ang pagdating ng malalaking kalamidad at ang araw ng pagkaka-rapture sa mga banal. Sa kabila nito, patuloy na inuusisa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad. Ang gayong pag-uusisa, sa pananaw ng Diyos, ay katulad ng pag-uusisa ni Satanas. Nakikita Niya ito bilang pagdududa, pagtatatwa, paninirang-puri, at pagsusuri sa pagiging tama ng Diyos. Ito ay pagkuwestiyon sa pagkakakilanlan ng Diyos, pagdududa sa awtoridad at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at pagdududa sa katapatan ng Diyos. Hindi pinahihintulutan ng Diyos na mangyari ang mga gayong bagay, ni pinahihintulutan ang gayong mga tao na umiral, at tiyak na hindi Niya ililigtas ang mga gayong tao. Iniisip ng mga anticristo na ang kanilang mga kontra-hakbang, na lihim na binuo at kinalkula sa kanilang puso, ang pinakamatalino at pinakatago. Hindi nila alam na nakikita ng Diyos ang lahat ng kanilang iniisip at na kinokondena sila ng Diyos. Ito ang sinasabi ng Diyos: “Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:21–23). Tahimik na sinasabihan ng Diyos ang mga taong ito sa Kanyang puso: Lumayo kayo sa Akin, kayong mga gumagawa ng katampalasanan. Inuusisa ninyo ang Aking mga kilos, inuusisa ninyo ang Aking mga salita. Hindi kailanman maliligtas ang mga gayong tao. Isang nakakatakot na bagay na tinatrato ng mga anticristo bilang kanilang layon na hahangarin at isang pamantayan kung nagkakatotoo ba ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad upang suriin ang pagiging tama ng Diyos; masamang gawa rin ito.
Tungkol naman sa kung magkakatotoo ba ang ilang aspekto ng mga salita ng Diyos, kung paano magkakatotoo ang mga ito, at kailan at saan magkakatotoo ang mga ito, may sariling mga pamamaraan ang Diyos. Dahil lamang sa biyaya ng Diyos kaya nagiging mapalad ang mga tao na marinig ang mga salitang ito mula sa Diyos. Ang layon ng Diyos sa pagsasabi ng mga salitang ito ay hindi para gamitin ng sangkatauhan ang mga ito upang igapos ang Diyos, suriin ang pagiging tama ng Diyos, o kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng Diyos. Sinasabi ng Diyos ang mga salitang ito para ipaalam lamang sa sangkatauhan na gagawin Niya ang mga bagay na ito, pero hindi kailanman sinabi ng Diyos sa sinuman, “Gagawin Ko ito sa ganitong paraan, sa mga taong ito, sa oras na ito, at sa ganitong paraan.” Sa mga bagay na hindi sinabi ng Diyos sa sangkatauhan, mayroong malinaw na pahiwatig: Hindi kailangan malaman ng sangkatauhan, ni hindi sila kalipikadong makaalam. Samakatwid, kung palaging inuusisa ng mga tao ang mga usaping ito, palaging nag-iimbestiga, palaging nais gamitin ang mga usaping ito para magkaroon ng kalamangan sa Diyos, para husgahan at kondenahin Siya, kapag nagaganap ang mga penomenang ito, hindi namamalayang tumitindig ang sangkatauhan nang laban sa Diyos. Kapag tumitindig ka nang laban sa Diyos, hindi ka na itinuturing ng Diyos bilang isang tao. Ano ka na, kung gayon? Sa mga mata ng Diyos, ikaw ay Satanas, isang kaaway, isang diyablo. Ito ang bahagi ng disposisyon ng Diyos na hindi nalalabag ng tao. Kung hindi ito nauunawan ng mga tao at palagi nilang ginagawan ng isyu ang mga salitang iprinopesiya ng Diyos, sinusubukang magkaroon ng kalamangan laban sa Diyos, hayaan mong sabihin Ko sa iyo, ito ay pagtawag ng kamatayan. Sa lahat ng oras, dapat alam ng mga tao kung sino sila at sa anong paraan, sa anong klaseng pangangatwiran, at mula sa anong perspektiba nila dapat tratuhin ang Diyos at ang lahat ng bagay tungkol sa Diyos. Kapag nawala ang pagkakakilanlan at posisyon ng mga tao bilang mga nilikha, nagbabago ang kanilang diwa. Kung ikaw ay naging isang hayop, maaaring hindi ka pansinin ng Diyos, sapagkat ikaw ay magiging isang bagay na may maliit na halaga. Ngunit kung ikaw ay naging isang diyablo o Satanas, manganganib ka. Ang pagiging isang diyablo o Satanas ay nangangahulugan ng pagiging kaaway ng Diyos, at mawawalan ka na ng pag-asa na mailigtas. Kaya, nais Kong sabihin sa lahat na naririto: Huwag usisain ang mga gawain ng Diyos, huwag usisain ang mga salita ng Diyos, huwag usisain ang gawain ng Diyos, at huwag usisain ang anumang may kinalaman sa Diyos. Isa kang tao, isang nilikha, kaya huwag mong suriin ang pagiging tama ng Diyos. Huwag ituring ang Diyos bilang isang pakay ng iyong pagsusuri at pagsisiyasat, ni bilang tunguhin ng iyong pag-uusisa. Isa kang nilikha, isang tao, kaya ang Diyos ang iyong Diyos. Anuman ang sabihin ng Diyos, iyon ang dapat mong tanggapin. Anuman ang sabihin ng Diyos sa iyo, iyon ang dapat mong tanggapin. Tungkol naman sa hindi sinabi sa iyo ng Diyos, ang mga bagay na iyon na may kinalaman sa mga hiwaga at mga propesiya, mga bagay na may kinalaman sa pagkakakilanlan ng Diyos, isang bagay ang tiyak: Hindi mo kailangang malaman ang mga ito. Walang pakinabang sa iyong buhay pagpasok ang pagkaalam sa mga ito. Tanggapin ang kaya mong maunawaan. Huwag hayaang maging hadlang ang mga ito sa iyong paghahangad na magbago ng disposisyon at sa iyong paghahangad ng kaligtasan. Ito ang tamang paraan. Kung tumitindig ang isang tao laban sa Diyos at patuloy na nag-uusisa tungkol sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa Diyos, at kung patuloy siyang tumatangging magbago, matigas ang ulo na kumakapit, tinatrato ang Diyos sa ganitong paraan at saloobin, kung gayon, nagiging napakaliit ng kanilang pag-asa na maligtas. Inuusisa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng kalamidad—tapusin na natin ang ating pagbabahaginan tungkol sa aytem na ito. At lumipat na tayo sa susunod na aytem ngayon.
4. Pag-uusisa sa mga Salita ng Diyos Kung Kailan Niya Lilisanin ang Mundo at Matatapos ang Kanyang Dakilang Gawain
Ang ikaapat na aytem ay na inuusisa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos tungkol sa kung kailan Niya lilisanin ang mundo at kailan matatapos ang Kanyang dakilang gawain. Hindi ito masyadong natalakay sa mga salita ng Diyos. Sa mga limitadong salitang ito, kung ang nilalaman ay isang paksa na partikular na alalahanin ng mga tao, gaano man ka-hindi halata o natatago ang mga salitang ito, mahahanap nila ang mga ito. Pagkatapos mahanap ang mga ito, minamarkahan nila ang mga ito gamit ang isang panulat, itinuturing ang mga ito bilang mahahalagang salita na dapat basahin. Ibinabahagi at binabasa nila ang mga salitang ito para balaan at aluin ang kanilang sarili sa tuwing may pagkakataon. Siyempre, para sa mga anticristo, ang mas mahalaga sa kanila ay hindi kung kailan lilisanin ng Diyos ang mundo o kung kailan matatapos ang Kanyang dakilang gawain, kundi ang mga katunayang nilalayon ng Diyos na maisakatuparan sa likod ng mga salitang ito. Ang pinakainaasam-asam ng mga anticristo sa kanilang puso ay ang personal na masaksihan sa buhay nila ang dakilang eksena ng paglisan ng Diyos sa mundo. Mangangahulugan ito na ang Diyos na kanilang sinunod ay ang tamang Diyos, hindi maling diyos ang napili nila, hindi rin sila nagkamali ng bagay na sinusundan. Kapag nakumpirma ang mga ito, naniniwala silang mas lalaki ang tsansa na mapagpala. Bukod dito, kung masasaksihan nila sa kanilang buhay ang eksena ng paglisan ng Diyos sa mundo at ang eksena ng pagtatapos ng dakilang gawain ng Diyos, ibig sabihin nito, magiging mas matibay ang pananalig nila, at susundan nila ang Diyos nang walang pag-aalinlangan. Ang makita ang eksenang ito ay mangangahulugan na ang kanilang mga dating pag-aalinlangan at hindi pagkaarok sa Diyos, at ang mga paninira, paghatol, at pagtanggi na kanilang naranasan mula sa iba, ay mawawala na, hindi na sila mapipigilan ng mga ito. Sa isang banda, inaabangan ng mga anticristo ang pagdating ng araw na ito, at sa kabilang banda, pinagmamasdan nila ang kasalukuyang ginagawa ng Diyos sa lupa, kung malapit nang matapos ang Kanyang gawain, kung halos tapos na ang mga salitang kailangan Niyang sabihin, kung may tunay na katapatan ang mga taong sumusunod sa Kanya, at kung sila ay nagawang ganap. Sa pagmamasid sa mga taong sumusunod ngayon kay Cristo, napapansin ng mga anticristo na may mahinang pananalig ang karamihan sa mga tao, madalas magkamali sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, at marami ang madalas na napupungusan dahil nagbunyag sila ng mga tiwaling disposisyon habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Ang ilan ay ipinadala pa nga sa Grupong B, ibinukod, o pinatalsik. Mula sa mga palatandaang ito, pakiramdam nila, “Ang araw ng pagtatapos ng dakilang gawain ng Diyos ay tila malayo pa, sobrang nakakadismaya ito! Pero ano naman ang magagawa kung hindi na makapaghintay ang isang tao? Anong problema ang malulutas nito?” Dahil ang mga anticristo ay hindi naniniwala sa mga salita ng Diyos, hindi tinatanggap ang katotohanan, walang espirituwal na pang-unawa, at hindi nauunawaan ang katotohanan, hindi nila masukat kung normal o hindi ang epekto ng gawain ng Diyos sa mga tao. Hindi nila maintindihan kung talagang nagkaroon ng epekto ang nagawa ng Diyos sa mga tao; kung tunay na makapagliligtas at makapagpapabago ng mga tao ang mga salita ng Diyos; kung ang mga tao, habang tinatanggap ang mga salitang ito, ay nagbago, tunay na may nakamit, o nakatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos; ni kung maaaring makapasok sa kaharian ng langit at makatanggap ng mga pagpapala ang mga taong ito—at, hindi nila maunawaan o maipaliwanag ang mga katunayang namamasdan ng kanilang sariling mga mata. Nababalot ng hamog na hindi mapawi ang bawat pangyayaring nakikita nila, bawat pangyayaring iniisip nila. “Hindi maintindihan at mahirap makilatis ang lahat ng usaping ito, mahirap maarok. Tunay bang umiiral ang mga pangyayari ng paglisan ng diyos sa mundo at ang pagtatapos ng dakilang gawain ng diyos? Maaari ba talagang magkatotoo ang mga ito?” Sa isang banda, pinipilit ng mga anticristo ang kanilang sarili na maniwala na ang Diyos na sinusunod nila ay ang Diyos, pero kasabay nito, hindi nila maiwasang magduda: “Diyos ba siya? Tao siya, hindi ba? Hindi maganda ang mag-isip nang ganito. Karamihan sa mga tao ay naniniwala na diyos siya, kaya dapat din akong maniwala. Pero hindi, hindi ko kayang paniwalaan ito! Saan ko makikita na diyos siya? Kaya ba niyang tapusin ang dakilang gawain ng diyos? Kaya ba niyang gawin ang gawain ng diyos? Kaya ba niyang katawanin ang diyos? Kaya ba niyang tapusin ang plano ng diyos? Kaya ba niyang iligtas ang sangkatauhan? Kaya ba niyang akayin ang mga tao sa isang magandang hantungan?” Lahat ng kaisipang ito at ang iba pang mga katulad nito ay nagiging mga kandadong hindi mabuksan, hindi mabasag sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo. Iniisip nila, “Ano ang dapat kong gawin? Gayumpaman, mayroong pinakamataas na prinsipyo: Maghintay at magtiis; ang nagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas. Bagamat hindi ko hinahangad ang katotohanan, may sarili akong mga tuntunin. Kung hindi aalis ang iba, hindi rin ako aalis. Kung susunod ang iba, susunod din ako. Susunod lang ako sa agos. Kung sasabihin ng lahat na diyos siya, tatawagin ko siyang diyos. Kung titigil ang lahat sa pananampalataya at itatakwil ang diyos, gagawin ko rin iyon. Hindi maaaring ipatupad ang batas kung lumalabag ang lahat, hindi ba?” Kapag nakikita nila na umaabot na sa rurok ang pagpapalawig ng gawain ng Diyos, lihim silang nagagalak sa kanilang puso: “Buti na lang at hindi ako umalis noong lubusan akong nagdududa at nanghihina. Tingnan mo kung ano ang idinulot ng pananalig ko ngayon. Malapit na ang araw, at parami nang parami ang mga taong sumusunod sa diyos. Lalo na sa ibang bansa, sinisiyasat ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa ang tunay na daan, at dumarami ang bilang ng mga mananampalataya. Ang sambahayan ng diyos ay gumagawa ng mas marami pang mga video, pelikula, himno, at patotoo, na umaakit ng higit na atensyon. Ang mga gayong resulta ay hindi kayang makamit ng sinumang tao; tanging ang gawain ng diyos ang makakagawa nito. Ang karaniwang taong ito ay malamang na si cristo, ang diyos. Dahil siya si cristo, ang diyos, tiyak na magkakatotoo ang kanyang mga salita. Kung hindi magkakatotoo ang kanyang mga salita, hindi siya ang diyos. Ayon sa lohikal na pangangatwiran, may katuturan at tama ang kongklusyong ito. Kung siya ang diyos, darating ang araw na lilisanin niya ang mundo; kung siya ang diyos, kaya niyang tapusin ang kanyang dakilang gawain. Batay sa lahat ng palatandaang ito, kumikilos sa isang positibong direksyon, patungo sa isang mabuting mithiin, ang mga tao sa iglesia na sumusunod sa diyos. Napaka-ideyal ng lahat, napakapositibo at nakakabuti ang lahat. Mas mabuti ito kaysa sa pagsunod sa mga makamundong kalakaran; walang pag-asa sa paghahangad sa mga iyon, nauuwi lamang ito sa pagdurusa ng pang-aabuso at sa huli ay pagkawasak. Kung nananampalataya ang isang tao sa diyos, at nasasaksihan niya ang araw ng paglisan ng diyos sa mundo at pagtatapos ng kanyang dakilang gawain, at nakikibahagi siya sa kaluwalhatian ng diyos—napakalaking karangalan niyon!” Sa pag-iisip nito, pakiramdam nila: “Bakit napakatalino ko? Pinili ko ang landas na ito; mukhang ako ang may mataas na IQ at mahusay na katalinuhan.” Hindi nila ito kinikilala bilang biyaya ng Diyos, kundi bilang kanilang sariling talino, kanilang sariling galing. Kaylaking kahibangan ang ideyang ito!
Iniisip ng mga anticristo, “Ang usapin ng paglisan ng diyos sa mundo at pagtatapos ng dakilang gawain ng diyos ay naiiba sa mga usapin ng mga pangako at pagpapala ng diyos, ng kanyang mga sumpa at parusa, at ng kanyang mga propesiya tungkol sa mga kalamidad—hindi pwedeng madaliin ang usaping ito; kailangan ng mga tao ang 12/10 na pagtitiis at 20/10 na pagpapasensiya para hintayin ang pagdating ng araw na iyon. Dahil kapag dumating na ang araw na iyon, maisasakatuparan na ang lahat. Kung hindi ko kayang magtiis ngayon, kung hindi ko kaya ang kalungkutan, at hindi ko kaya ang pagdurusang ito, maiiwan ako kapag dumating na ang araw na iyon. Palapit na ang katapusan; pagkatapos magdusa nang husto, magiging hangal ako kung hindi ko kayang magtiis pa nang kaunti!” Kaya, para sa mga anticristo, may isang paraan lamang para makita ang pagdating ng araw na iyon: Masunurin at matiyagang maghintay, huwag mag-apura, at matutong magtiis. Iniisip nila, “Dahil pinili kong sumugal, dapat akong matutong magtiis, dahil hindi maliit na bagay ang pagtitiis na ito. Kung magtitiis ako hanggang sa huli, sa oras na maisakatuparan na ang bagay na ito, isang malaking pagpapala ang makakamit ko! Kung hindi ako magtitiis sa panahong ito, mahaharap ako sa malaking kalamidad. Ang usaping ito ay maaaring magdala ng malaking pagpapala o ng malaking kalamidad.” Kita mo, hindi hangal ang mga anticristo, hindi ba? Wala silang espirituwal na pang-unawa at hindi sila naniniwala sa katotohanan, sila ay mga hindi mananampalataya—pero paano nila nasusuri ang usaping ito nang napakatumpak at napakadetalyado? Angkop ba ang ganitong uri ng pagsusuri? (Hindi.) Sabihin mo sa Akin, dapat bang magkaroon ng gayong “seryosong” saloobin ang mga tao sa mga salita ng Diyos? Sinasabi ng ilang tao: “Malaking usapin ito, na may kinalaman sa kinabukasan at kapalaran ng isang tao, at may kaugnayan sa pagtatapos ng dakilang gawain ng diyos. Hindi ito maaaring maliitin. Dapat kalkulahin ng mga tao ang eksaktong taon at buwan kung kailan lilisanin ng Diyos ang mundo. Bukod dito, kailangang masuri ang pamamaraan at eksena ng paglisan ng Diyos na ipinapahiwatig sa mga salita ng Diyos. Kung hindi ito sineseryoso at sinusuri nang lubusan, ang mapalampas ang gayon kagandang bagay ay magdudulot ng walang katapusang pagsisisi; hindi na muling makikita ang gayong pangyayari. Lalo na kapag natapos na ang dakilang gawain ng diyos, at dumating na ang araw at sandali ng pagkaluwalhati ng Diyos, kailangang mas higit pa ang malaman ng mga tao.” Pagkatapos ay may nagtatanong, “Paano natin malalaman kung hindi nagsasabi ang Diyos?” “Kung gayon, dapat kang manalangin na ibunyag ito sa iyo ng diyos sa isang panaginip, tulad ni Juan sa Aklat ng Pahayag. Kung makakatanggap ka ng isang pangitain, kung makikita mo ang araw ng pagtatapos ng dakilang gawain ng Diyos sa iyong panaginip o pangitain, sa isang iglap ay lubusan nitong mapapatibay ang iyong pananalig. Ang iyong pagpapasensiya, ang iyong paghihintay, ay hindi na magiging isang pormalidad o isang bagay na ginagawa mo lamang; sa halip, kusa kang maghihintay at magtitiis nang ganito mula sa kaibuturan ng iyong puso. Iyon ay magiging napakaganda!” Katanggap-tanggap ba ang pamamaraang ito? (Hindi.)
Kahit gaano katagal kailangan ng sangkatauhan ang Diyos na nagkatawang-tao, darating din ang araw na matatapos ang Kanyang gawain sa katawang-tao. Ibig sabihin, lilisanin din ng taong ito ang sangkatauhan; tiyak na darating ang oras na ito. Patapos na ang gawain ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos. Tungkol sa kung ito ay magtatapos sa loob ng sampung taon, dalawampung taon, limampung taon, walumpung taon, o isang daang taon, hindi na natin ito kailangan pang suriing mabuti. Sadyang ganito lamang ang paraan ng pagsasalita ng Diyos. Ano ang ibig sabihin kapag sinabing ito ay paraan ng pagsasalita ng Diyos? Ibig sabihin nito ay kung ilang taon ba talaga ang konsepto ng Diyos tungkol sa “katapusan”—tiyak na iba sa mga tao ang konsepto ng Diyos sa oras. May silbi ba para sa atin na siyasatin kung ilang taon ito mismo? Wala, wala itong silbi. Bakit wala? Dahil nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng ito, hindi ito isang bagay na maaaring makamit ng mga tao sa pamamagitan ng pagtatanong, ni isang bagay na, kapag nalaman ng mga tao, ay magagamit nila para limitahan ang Diyos. Ginagawa ng Diyos ang nais Niya. Ang tanging dapat gawin ng mga tagasunod ng Diyos ay ang hangarin ang katotohanan, gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin, kamtin ang buhay, tahakin ang landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at maging tunay na mga kalipikadong nilikha. Sa ganitong paraan, tunay ngang matatapos ang dakilang gawain ng Diyos, at makakapagpahinga ang Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pagpapahinga ng Diyos? Ibig sabihin, magkakaroon ng pahinga ang sangkatauhan. Kapag may lugar nang mapagpapahingahan ang sangkatauhan, makakapagpahinga na ang Diyos. Ang pahinga ng Diyos ay ang pahinga ng sangkatauhan. Kapag may normal na kapaligiran ng pamumuhay at kaayusan ang sangkatauhan, nagbibigay ito ng kapahingahan sa Diyos. Tungkol sa kung kailan magkakaroon ng ganitong kapaligiran ng pamumuhay ang sangkatauhan, kung kailan nila maaabot ang hakbang na ito, at kung kailan matatapos ng Diyos ang Kanyang dakilang gawain at kailan papasok sa Kanyang lugar ng pahingahan, nasa plano ng Diyos ang lahat ng ito; mayroon siyang iskedyul. Kung anong panahon mangyayari ang iskedyul ng plano ng Diyos, kung aling taon, buwan, oras, at minuto, ang Diyos lang ang nakakaalam. Hindi kailangang malaman ng mga tao, at walang silbi na sabihin pa sa iyo. Kahit na sabihin sa iyo ang eksaktong taon, buwan, oras, at minuto, maaari ba iyong maging buhay mo? Buhay ba iyon? Hindi nito pwedeng palitan ang buhay. Ang tanging dapat gawin ng mga nilikha ay makinig sa mga salita ng Diyos, tanggapin ang mga salita ng Diyos, at magpasakop sa mga salita ng Diyos, maging mga tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Ngunit ang palaging pagnanais na siyasatin ang mga salita ng Diyos, usisain kung nagkakatotoo ang mga salita ng Diyos, tingnan, suriin, at siyasatin ang pagiging tama ng mga salita ng Diyos—hindi ito ang dapat gawin ng mga nilikhang tao. Iyong mga nagpupumilit na tumahak sa landas na ito at gumawa ng mga bagay na ito ay malinaw na hindi ang mga nilikhang nais ng Diyos. Hindi sila kumikilos ayon sa Kanyang mga hinihingi, hindi namumuhay ayon sa mga tuntunin at regulasyong itinakda ng Diyos para sa mga tao. Sa mga mata ng Diyos, mga kaaway sila ng Diyos; mga diyablo at Satanas sila, hindi mga pakay ng pagliligtas ng Diyos. Kaya, tungkol sa kung kailan lilisanin ng Diyos ang mundo, kung kailan matatapos ang Kanyang dakilang gawain, at kung kailan darating ang araw ng pagkaluwalhati ng Diyos, ano ang dapat na tamang pananaw ng sangkatauhan sa mga salitang ito ng Diyos at sa usaping ito? Dapat maniwala ang isang tao na tiyak na magkakatotoo ang mga bagay na ito na sinabi ng Diyos, at kasabay nito, umasa sa pagtatapos ng dakilang gawain ng Diyos, sa pagdating ng kaharian ng Diyos, sa pagpapakita ng Diyos sa kaluwalhatian sa lahat ng tao, at sa maagang pagpasok ng Diyos sa kapahingahan. Ito ang dapat asahan at ipanalangin ng mga nilikhang tao, ng mga sumusunod sa Diyos. Wasto at hindi pang-uusisa ang paggawa niyon. Gayumpaman, ang palaging paggamit ng kung magkakatotoo ang mga salita ng Diyos bilang kasangkapan para bantaan ang Diyos, para magtakda ng mga kondisyon sa Diyos, iyon ay tinatawag na pag-uusisa at iyon ang ginagawa ng mga kaaway ng Diyos; ang palaging pagpapasya kung magbabayad ng halaga, kung tatalikdan ang lahat, at kung gagawin ang tungkulin batay sa kung magkakatotoo ang mga salita ng Diyos ay ang mga ginagawa rin ng mga kaaway. Dapat tratuhin ng mga tunay na nilikha ang mga salita ng Diyos, ang pagkakakilanlan ng Diyos, at ang anumang bahagi ng sinasabi ng Diyos mula sa perspektiba ng mga nilikha, hindi mula sa perspektiba ni Satanas, ng mga diyablo, o ng mga kaaway ng Diyos.
5. Pag-uusisa sa mga Salita ng Diyos tungkol sa Kanyang Disposisyon, Kanyang Pagkakakilanlan, at Kanyang Diwa
Ang susunod na aytem na pagbabahaginan natin ay ang mga salita ng Diyos tungkol sa Kanyang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa. Malawak ang saklaw ng mga salitang ito; karamihan sa mga nilalaman ng mga salita ng Diyos ay tumutukoy sa Kanyang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa. Sa isang banda, ang paraan at tono ng pagsasalita ng Diyos, pati na ang nilalaman, ay nagtutulot sa mga tao na makita ang disposisyon ng Diyos, makita ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa. Sa kabilang banda, malinaw ang mga salitang ginagamit ng Diyos para sabihin sa sangkatauhan, para ihayag sa sangkatauhan ang Kanyang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa. Tungkol sa dalawang bahaging ito ng nilalaman, sa isang banda, mula sa ipinahihiwatig ng mga salita ng Diyos, sa nilalaman ng mga salita ng Diyos, sa kalikasan ng mga salita ng Diyos, pati na rin sa tono at mga tagapakinig ng Kanyang pananalita, makikita ng isang tao ang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos. Sa kabilang banda, malinaw ang mga salitang ginagamit ng Diyos para sabihin sa mga tao kung anong uri ng disposisyon ang mayroon Siya, kung anong uri ng pagkakakilanlan at diwa ang mayroon Siya. Ang dalawang bahaging ito ng nilalaman ay mga bagay na pangunahing binabalewala ng mga anticristo; hindi nila mauunawaan ang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos mula sa mga ito, at tiyak na hindi sila maniniwala sa lahat ng ito na may kinalaman sa Diyos. Dahil sila ay mga hindi mananampalataya, hindi sila naniniwala na maaaring kumatawan sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos ang mga salitang binigkas ng bibig ng Diyos. Gayumpaman, may isang punto na hindi nila maaaring itanggi: malinaw na inihayag ng mga salita ng Diyos sa mga tao kung anong uri ng disposisyon mayroon ang Diyos, kung anong uri ng pagkakakilanlan mayroon ang Diyos, at kung ano ang Kanyang diwa—hindi nila maitatanggi ang bahaging ito ng Kanyang mga salita. Dahil lang sa hindi nila ito maitatanggi, ibig na bang sabihin nito ay may tunay silang pagtanggap at pagkilala? Hindi nila kinikilala ang mga salitang ito. Sa kabaligtaran, tungkol sa nilalaman ng disposisyon ng Diyos—ang Kanyang katuwiran, kabanalan, pagmamahal, awtoridad, at iba pang mga katangiang may kinalaman sa Kanyang mga pag-aari at katauhan—na sinasabi ng Diyos, bukod sa pagpapakita ng paghamak, pagwawalang-bahala, at pagpapabaya, tinitingnan din ng mga anticristo ang mga salitang ito mula sa perspektiba ng pag-uusisa. Halimbawa, kapag sinabi ng Diyos na Siya ay matuwid, magsisimulang magsiyasat ang isang anticristo: “Matuwid ka? Wala pang sinuman sa mundo ang naglakas-loob na sabihing matuwid siya. Dahil naglalakas-loob kang sabihin ito, suriin natin ito. Sa anong mga paraan ka matuwid? Aling mga gawa mo ang matuwid? Ayaw kong maniwala! Kung tunay na natutupad ang pahayag na ito, kung tunay kang gumagampan ng ilang matuwid na gawa na makakakumbinsi sa akin, saka ko tatanggapin na matuwid ka. Pero kung hindi ako makukumbinsi sa ginagawa mo, huwag mo akong sisihin sa pagiging prangka. Hinding-hindi ko kikilalanin na may matuwid kang disposisyon!” Sa wakas, dumating ang araw na hinihintay nila: Ang isang partikular na lider, sa kabila ng pagbabayad ng malaking halaga at pagdurusa nang husto, ay natukoy sa huli bilang isang huwad na lider at tinanggal dahil hindi siya nakagawa ng aktuwal na gawain. Pagkatapos matanggal, naging negatibo siya, nagkaroon ng mga maling pagkaunawa, nagreklamo, at nagsabi ng maraming sama ng loob at mapanghusgang bagay. Nang makarating ang usaping ito sa mga tainga ng anticristo at makita nila ito, sinasabi ng anticristo, “Kung kahit ang isang tulad mo ay maaaring matanggal, kung gayon, mas masahol pa ito para sa mga katulad ko. Kung wala kang pag-asang maligtas, kung hindi ka naaayon sa mga layunin ng diyos, sino pa ang maaaring maging kaayon ng mga layunin ng diyos? Sino pa ang maaaring tanggapin ng diyos?” Sa isang banda, ipinagtatanggol ng anticristo ang huwad na lider at humihingi siya ng hustisya para dito; sa kabilang banda, tinatanggap din niya ang mga sinasabing sama ng loob at mapanghusgang salita ng huwad na lider. Kasabay nito, lihim siyang nakikipagtalo sa Diyos sa kanyang puso: “Matuwid ba ang diyos? Kung gayon, bakit tinanggal ang isang taong nagdusa at nagbayad ng halaga para sa gawain ng iglesia? Ang taong ito ang pinakatapat sa iyo. Wala akong nakitang mas tapat pa kaysa sa kanya; wala akong nakitang nagdusa nang mas higit o nagbayad ng mas malaking halaga. Bumabangon siya nang maaga at natutulog nang dis-oras ng gabi, nagtitiis ng karamdaman, isinantabi ang kanyang damdamin para sa kanyang pamilya, at isinantabi ang kaginhawahan ng laman at ang mga inaasam ng laman, isinusugal ang kanyang buhay upang gumawa para sa iyo. Nakulong pa nga siya dati at hindi ka niya ipinagkanulo. Subalit, basta mo lang siyang tinanggal, basta mo lang siyang ibinunyag—matuwid ka ba talaga? Nasaan ang ebidensiya ng iyong pagiging matuwid? Bakit hindi ko ito makita?” Sa wakas, mayroon nang pinanghawakan ang anticristo laban sa gawain ng Diyos para kuwestiyunin ang pagiging matuwid ng disposisyon ng Diyos. Iniisip niya, “Kung matuwid ang diyos, hindi makakalusot ang karamihan sa mga tao; kung matuwid ang diyos, kailangan talagang maging maingat ng mga tao, at magiging napakahirap ng buhay. Ngayon, sa wakas ay may hawak na akong panlaban sa gawain ng diyos, kaya kong patunayan na hindi matuwid ang diyos, na nagpapadali sa mga bagay-bagay.” Dahil dito, lihim silang nagagalak sa kanilang puso.
Ang mga hinirang na tao ng Diyos, sa pagsunod sa Diyos, ay palaging nakakaranas ng panunupil, pang-aaresto, at brutal na pang-uusig ng malaking pulang dragon. Sa mga iglesia sa iba’t ibang lugar, madalas na may naaaresto at inuusig na mga hinirang na tao ng Diyos. Madalas, may mga nadarapa o nagkakanulo sa Diyos at umaalis sa iglesia dahil dito. Gayumpaman, marami ding naninindigan sa kanilang patotoo sa kabila ng pang-aaresto at pang-uusig. Ginagamit ng Diyos ang pagseserbisyo ng malaking pulang dragon para ibunyag ang mga hindi mananampalataya na pumasok sa sambahayan ng Diyos para maghanap ng mga pagpapala, habang pineperpekto rin ang mga hinirang na tao na tunay na nananampalataya sa Diyos. Ito ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos. Pero paano tinitingnan ng mga anticristo ang usaping ito? Palagi silang may pagdududa sa Diyos: “Bakit hindi inililigtas ng diyos ang kanyang mga hinirang na tao mula sa pang-aaresto at pang-uusig ng malaking pulang dragon?” Pinagdududahan nila ang Diyos na nagkatawang-tao, palagi silang nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos sa kanilang puso: “Bakit dapat magdusa ang mga hinirang na tao ng diyos ng mga gayong pambubugbog at pagpapahirap? Dahil ito sa kanilang pananalig, dahil ayaw nilang maging mga Hudas. Pero nasaan ang diyos noong pinahihirapan sila? Bakit hindi sila inililigtas ng diyos? Hindi ba’t mahal ng diyos ang mga tao? Nasaan ang pagmamahal ng diyos? Posible kayang matiis ng Diyos na hayaan ang mga nananampalataya sa kanya na labis na hamakin ng mga Satanas at ng mga demonyo, at magtiis ng sobra-sobrang pagpapahirap? Ito ba ang pagmamahal ng diyos? Nasaan mismo ang pagpoprotekta ng diyos sa mga tao? Bakit hindi ko ito makita? Mukhang kailangan kong maging mas maingat. Bukod sa hindi kayang ilayo ng diyos ang mga tao mula sa tukso o panganib—sa kabaligtaran, kapag mas naghahangad ang isang tao, kapag mas may kahandaan siya, at kapag mas sumusunod siya sa diyos, mas nahaharap siya sa mga pagsubok, at mas malamang na magdurusa siya ng pasakit at paghihirap. Dahil ganito kumikilos ang diyos, mayroon din akong mga kontra-hakbang. Nagdurusa sa gayong pagtrato ang mga taong ito dahil nagsakripisyo sila; kung hindi ako magbabayad ng gayong halaga, kung hindi ako maghahangad sa ganitong paraan, hindi ba’t maiiwasan ko ang mga pagsubok na ito? Kung wala ang mga pagsubok na ito, hindi ba’t maiiwasan ko ang gayong pagdurusa? Kung hindi ako magdurusa nang ganito, hindi ba’t mamumuhay ako nang komportable? Kung makakatanggap pa rin ako ng mga pagpapala, bakit ako magiging hangal na hayaang magtitiis ng lahat ng uri ng paghihirap at pasakit sa laman? Sinasabi ng diyos na mahal niya ang mga tao, pero hindi ko matanggap ang ganitong paraan ng pagmamahal ng diyos! Kayong lahat ay pwedeng magbigay rito ng anumang interpretasyon na gusto ninyo; wala akong pakialam, hindi ko ito tatanggapin. Kailangang hindi ako makakuha ng atensiyon, kailangan kong umiwas, kailangan kong maging maingat at mapagbantay; hindi ko pwedeng hayaang mahuli ako ng diyos at pagtrabahuhin niya ako.” Kinikimkim ng mga anticristo ang mga bagay na ito sa kanilang puso, na pawang maling pagkaunawa, pagkontra, paghatol, at pagtutol laban sa Diyos. Wala silang anumang kaalaman sa gawain ng Diyos. Habang inuusisa ang mga salita ng Diyos, inuusisa ang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos, nakakabuo sila ng mga gayong kongklusyon. Itinatago ng mga anticristo ang mga bagay na ito sa kailaliman ng kanilang puso, pinapaalalahanan ang kanilang sarili: “Ang pag-iingat ay magulang ng kaligtasan; mas mabuting lumipad nang walang nakakapansin; Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril; at malungkot doon sa tuktok! Kailanman, huwag na huwag kang maging ang ibon na nag-uunat ng kanyang leeg, huwag umakyat nang masyadong mataas; kapag mas mataas ang inaakyat mo, mas masakit ang pagbagsak.” Hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at hindi sila naniniwala na matuwid at banal ang Kanyang disposisyon. Tinitingnan nila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at hinaharap nila ang gawain ng Diyos gamit ang mga perspektiba, kaisipan, at tusong pag-iisip ng tao, gumagamit sa lohika at pag-iisip ni Satanas para tukuyin ang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos. Maliwanag na hindi lang hindi tinatanggap o kinikilala ng mga anticristo ang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos; sa kabaligtaran, puno sila ng mga kuru-kuro, pagkontra, at paghihimagsik laban sa Diyos at wala silang kahit katiting na tunay na pagkakilala sa Kanya. Isang katanungan ang depinisyon ng mga anticristo sa gawain ng Diyos, sa disposisyon ng Diyos, at sa pagmamahal ng Diyos—puno ng pagdududa, at puno sila ng pag-aalinlangan at puno ng pagtatatwa at paninirang-puri dito; kung gayon, ano naman ang tungkol sa Kanyang pagkakakilanlan? Kumakatawan sa Kanyang pagkakakilanlan ang disposisyon ng Diyos; sa gayong pagtrato sa disposisyon ng Diyos, maliwanag ang kanilang pagtrato sa pagkakakilanlan ng Diyos—direktang pagtatatwa. Ito ang diwa ng mga anticristo.
Kahit anong bahagi ng mga salita ng Diyos ang harapin ng mga anticristo, kahit anong bahagi ng mga kilos ng Diyos ang kanilang harapin, ito man ay mga kilos ng Diyos sa lahat ng bagay o sa mga partikular na indibidwal, palagi nilang ginagamit ang mga perspektiba ng tao at lohika ni Satanas, pati na ang mga pamamaraan ng kaalaman at lohika, para bumuo ng kongklusyon at manghusga, sa halip na harapin ang mga ito bilang ang katotohanan at nang may pagtanggap. Samakatwid, hinggil sa mga salita tungkol sa disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos, at hinggil sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos at sa Espiritu ng Diyos, ang paraan ng mga anticristo ay pareho lang, walang pagkakaiba. Sa pangkalahatan, ang lahat ng may kinalaman sa Diyos Mismo, lahat ng tungkol sa Lumikha, ay kanilang inuusisa, at pagkatapos ay bumubuo sila ng mga haka-haka, nagsisiyasat sila, at nagsusuri, na sa huli ay humahantong sa mga kongklusyon ng pagtatatwa at paninirang-puri. Mula sa anumang anggulo o sa anumang paraan harapin ng mga anticristo ang mga salitang ito ng Diyos, bakit palaging pagkondena at paninirang-puri ang mga kongklusyon na kanilang nabubuo? Bakit sila humahantong sa mga gayong kongklusyon? Totoo kaya na sa nilikhang sangkatauhan, walang sinuman ang kayang tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan? Ito ba ay isang hindi maiiwasang kalalabasan? Dahil ba ito sa Diyos? (Hindi.) Kung gayon, ano nga ba ang dahilan? (Dahil may kalikasan ang mga tao na lumalaban sa Diyos.) May kalikasan ang lahat na lumalaban sa Diyos. Bakit kaya pagkatapos basahin ang mga salitang ito, may mga taong nakakakilala na ang mga ito ang katotohanan at tumatanggap sa sinasabi ng Diyos, habang ang iba ay nagagawang itatwa, kondenahin, at siraan ang mga ito? Malinaw na ipinapakita nito ang isang problema, nagpapahiwatig na magkakaiba ang diwa sa loob ng mga tao. Ang mga anticristo, sa kanilang pagtrato sa mga salita ng Diyos ay likas at personal na hindi tunay na tumatanggap sa mga ito. Dumarating sila nang may pagkontra at pagsusuri: “Sinasabi mong ikaw ay diyos, kung gayon kailangan kong makita, sa anong paraan ka nahahawig sa diyos? Sinasabi mong nagtataglay ka ng disposisyon ng diyos at ng pagka-diyos, kung gayon, kailangan kong makita kung alin sa iyong mga salita ang nagpapatunay na nagtataglay ka ng pagka-diyos at ng disposisyon ng diyos, anong mga gawa mo ang nagpapatunay na may pagkakakilanlan at diwa ka ng diyos. Nakagawa ka ba ng mga tanda at kababalaghan, o napagaling mo ba ang maysakit at nagpalayas ka ba ng mga demonyo? Isinumpa mo na ba ang isang tao at namatay siya agad? May ibinangon ka na ba mula sa mga patay? Ano ang mismong nagawa mo na maaaring magpatunay na nagtataglay ka ng disposisyon ng diyos, ng pagkakakilanlan, at diwa ng diyos?” Palaging nais makita ng mga anticristo ang mga bagay na ito, mga bagay na lampas sa katotohanan, sa daan, at sa buhay, ginagamit ang mga bagay na ito para kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng Diyos, para kumpirmahin na ang sinusundan nila ay ang Diyos. Mali ang mismong simulaing ito. Ano ang pinakabatayang bagay na maaaring kumatawan sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos? (Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.) Ito ang pinakabatayang bagay. Bakit hindi naaarok ng mga anticristo maging ang pinakabatayang bagay na ito? Ito ang paksang kailangan nating talakayin. Hinahamak ng mga anticristo ang katotohanan at mga positibong bagay; tutol sila sa katotohanan at sa lahat ng positibong bagay; kinamumuhian nila ang katotohanan at mga positibong bagay. Sa lahat ng salita ng Diyos, hindi nila nakikita kung aling mga salita ang katotohanan o mga positibong bagay. Makikita ba ito ng kanilang mga malademonyong mata? Kung hindi nila ito makita, makikilala ba nila ito? Ang kanilang pagkabigo na kilalanin ang mga salitang ito bilang ang katotohanan ay nangangahulugang hindi nila kayang kilalanin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Tiyak ito. Ang mga anticristo, sa harap sa mga salita ng Diyos tungkol sa Kanyang disposisyon, Kanyang pagkakakilanlan, at Kanyang diwa, ay gumagamit ng paraan na gaya ng ginagamit nila sa iba pang mga salita ng Diyos, nagkakalkula, nagpapakana, at nagmumuni-muni sa kanilang isipan. Kung agad na nagkakatotoo ang isang bagay na sinabi ng Diyos mula sa Kanyang pagkakakilanlan bilang Diyos, agad na nagbabago ang kanilang saloobin; kung ang Diyos, bilang Diyos, ay nagsasabi o gumagawa ng isang bagay na nagbibigay sa kanila ng kalamangan, mayroon din silang kaukulang kontra-hakbang, at agad na nagbabagong muli ang kanilang saloobin. Sila ang kumokondena sa Diyos, at sila rin ang nagsasabi na ang Diyos ay kagaya ng Diyos. Sa kanilang pananaw, kung nagtataglay ba ang Diyos ng disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos, nakakabuo sila ng mga kongklusyon tungkol dito batay lamang sa kung ano ang nakikita ng kanilang sariling mga mata at sa kanilang sariling mental na pagsusuri.
Sa nakaraang isa o dalawang taon, gumawa ang iglesia ng ilang video ng patotoong batay sa karanasan. Iba’t ibang tao ang nagbigay ng iba’t ibang patotoo batay sa kanilang karanasan, na nakatulong sa ilang taong may hindi matatag na pundasyon at iyong mga medyo nagdududa na makapagtatag ng ilang pundasyon. Siyempre, para sa mga anticristo, nagkaroon din ito ng partikular na papel sa pagpapatatag sa kanila. Ang mga indibidwal na nagpapatotoo ay may iba’t ibang edad, mula sa iba’t ibang uri ng lipunan, at ang ilan ay mula pa nga sa iba’t ibang bansa at etnisidad. Mula sa mga patotoong batay sa karanasan na kanilang ibinahagi, maliwanag na nagbago sila sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakamit nila ang katotohanan at buhay, at sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga salita ng Diyos, sa pagtanggap sa yugtong ito ng gawain ng Diyos, naunawaan nila ang maraming katotohanan, kinukumpirma na ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay nagtataglay ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Siyempre, pagkatapos makinig sa mga patotoong ito na batay sa karanasan, nagkaroon din ng kaunting lihim na kasiyahan sa kaloob-looban nila ang mga anticristo: “Buti na lang, hindi ko hayagang hinusgahan ang diyos. Buti na lang, hindi ako nagmadaling itatwa ang diyos. Batay sa mga patotoo ng napakaraming tao, tila tama ang daan na ito. Ang cristo na ito, ang ordinaryong taong ito, ay maaaring ang diyos nga. Maaaring tama ang pusta ko. Kung magpapatuloy ako sa landas na ito, at kung mas maraming tao ang magpapatotoo tungkol sa taong ito, kung mas maraming tao ang lalapit sa taong ito, at kung mas maraming tao ang magkukumpirma sa pagkakakilanlan at diwa ng taong ito, kung gayon, mas lalaki nang lalaki ang aking pag-asa at tsansang makatanggap ng mga pagpapala.” Habang atubiling nagmamasid, patuloy na hinihikayat ng mga anticristo ang kanilang sarili at pinapalakas ang kanilang loob: “Huwag magmadali. Maging matiyaga. Kailangan mo lang magtiis. Ang nagtitiis hanggang wakas ay maliligtas. Batay sa kasalukuyang iba’t ibang palatandaan, mula sa lawak at paglago ng iglesia ngayon, parami nang parami ang mga taong nakakatindig at nakakapagpatotoo tungkol sa diyos na ito, na kinukumpirma na tama ang daan na ito. Kaya bakit ako magiging hangal, magmamadaling tumindig at itatwa ito? Huwag gawin iyon, huwag maging hangal. Maghintay pa ng tatlo hanggang limang taon. Kung mas maraming tao, mas maraming tanyag at maalam na tao, mga taong may katayuan sa lipunan, ang magbibigay ng mas malakas na ebidensiya para kumpirmahin na ang ordinaryong taong ito ay si cristo, o kung mas maraming tao na kilala at may katayuan sa mundo ang sumali sa iglesia, at kung mas lumawak pa sa buong mundo ang iglesia, hindi ba’t may makakamit ako kung gayon? Hindi ba’t magkakaroon na ako ng malaking kalamangan kung gayon? Kung may kapangyarihan ang iglesia, hindi ba’t magkakaroon din ako ng kapangyarihan? Hinding-hindi ako dapat umalis! Kung tama ang lahat ng ito, kung ang taong ito ay talagang ang diyos, at kung itatakwil at itatatwa ko siya ngayon, mapapalampas ko ang lahat ng pagpapalang ito. Kailangan kong isugal ang lahat sa taong ito. Kung sino siya sa kanyang pagkakakilanlan at diwa, kung sino ang kinakatawan ng kanyang disposisyon, wala na akong pakialam doon. Ang inaalala ko ay kung mas dumarami ang mga taong sumusunod sa kanya, kung nadaragdagan ba ang kapangyarihan at lawak ng iglesia. Kung umuunlad ito sa isang magandang direksiyon, at maaari pang lumago sa mga normal na sitwasyon, hindi ko na kailangang mag-alala tungkol sa kinabukasan ko. Kung siya talaga ang laman kung saan nagkatawang-tao ang diyos gaya ng ipinropesiya sa Bibliya, malaki ang magiging pagpapala at pakinabang ko.” Tuwing naiisip nila ito, nakakaramdam ng kaunting kaginhawahan at kagalakan ang mga anticristo sa kanilang puso: “Paano naman iyon? Kahit na hindi ako naniniwala na ang mga salita ng diyos ang katotohanan, pwede pa rin akong makatanggap ng mga pagpapala. Kahit hindi ako naniniwala na matuwid ang lahat ng gawa ng diyos, pwede pa rin akong manindigan. Kahit na hindi ako naniniwala na makapagliligtas ng mga tao ang diyos, maaari pa rin akong mabuhay. Kahit na hindi ako naniniwala na pinagmamasdan ng diyos ang kaibuturan ng puso ng tao, pwede ko pa ring gawin nang normal ang mga tungkulin ko sa iglesia. Hindi ako naniniwala sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at awtoridad ng diyos, hindi ako naniniwala na lahat ng ginagawa ng diyos ay makabuluhan, at hindi ako naniniwala na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at sa kapalaran ng buong sangkatauhan ang diyos—hindi ako naniniwala sa alinman sa mga ito, at ano naman? Hindi ako naniniwala sa pagkakakilanlan at diwa ng diyos, subalit nakakalahok pa rin ako sa iglesia. Hindi ba’t matuwid ang Diyos? Iraraos ko lang ang gawain at sasabay lang ako sa agos sa iglesia nang ganito, nagtitiis lang. Sino ang makakagalaw sa akin? Hindi ba’t pwede pa rin akong magtiis hanggang sa wakas at tiyak na maligtas?” Ano sa palagay ninyo, pwede bang magtagumpay ang ilusyon ng mga anticristo? (Hindi.) Kapag dumating ang araw na tunay nilang makita ang matuwid na disposisyon ng Diyos, nasaan na kaya sila? Kapag napilitan silang tunay na kilalanin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, na aminin na matuwid ang Diyos, kapag ipinakita sa kanila na talagang matuwid ang Diyos, nasaan na dapat sila? Pwede ba talaga silang maligtas? Maaari ba talagang magbunga ang kanilang pagtitiis? Pwede ba talaga nilang iraos lang ang gawain? Maaari bang ang kanilang pagtitiis, ang kanilang mga pagkokompromiso, ang kanilang matatag na pagtitiis sa mga paghihirap, ang kanilang tusong katalinuhan, ay tunay na makapagpawalang-bisa sa kanilang masamang gawa ng pag-uusisa kung nagkakatotoo ang mga salita ng Diyos? Maaari ba talagang mapalitan ng kanilang ilusyon, mga kontra-hakbang, pagpapakana, at lahat ng kanilang pinlano sa kanilang puso, kasama na ang kanilang pag-uusisa sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa Diyos, ang kanilang paghahangad sa katotohanan? Mabibigyang kakayahan ba sila ng mga ito na matamo ang kaligtasan? (Hindi.) Kung gayon, batay sa mga pagpapamalas na ito, bakit ang mga anticristo, na napakatuso at nangangasiwa sa lahat ng bagay nang walang iniiwang butas, na ginagawa ang lahat nang palihim, ay humahantong sa ganito? Mayroon lamang isang dahilan: Hindi nila hinaharap nang matapat ang mga salita ng Diyos, hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, hindi sila nagpapasakop sa mga salita ng Diyos, sa halip ay inuusisa nila ang mga salita ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit humahantong sa ganito ang mga anticristo. Nauunawaan ninyong lahat ito, tama? Bagama’t hindi Ko pa sinabi sa inyo kung paano kumilos o paano tratuhin ang mga salita ng Diyos, sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga katunayang ito at paghihimay sa mga pananaw ng mga anticristo at sa kanilang saloobin tungkol sa mga salita ng Diyos, alam ninyong lahat kung anong uri ng saloobin sa mga salita ng Diyos at kung anong uri ng saloobin sa pag-arok ng mga salita ng Diyos ang pinakatama at ang mga saloobin na dapat taglayin ng isang nilikha, at na ang pagkakaroon ng mga saloobing ito ang dapat gawin ng isang nilikha.
Agosto 22, 2020