Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikapitong Bahagi)

III. Kinamumuhian ang mga Salita ng Diyos

Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa ikasampung aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo—kinamumuhian nila ang katotohanan, hayagang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Noong nakaraan, nagbahaginan tayo hanggang sa ikatlong seksyon ng pangunahing paksang ito, na tungkol sa pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos. Ang ating pagbabahaginan at paghihimay sa seksyong ito ay nahati sa tatlong maliliit na paksa. Ano ang tatlong maliliit na paksang iyon? (Ang una ay iyong walang pakundangang pinakikialaman at binibigyang-kahulugan ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos; ang pangalawa ay itinatatwa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos kapag hindi umaayon ang mga ito sa kanilang mga kuru-kuro; at ang pangatlo ay inuusisa ng mga anticristo kung nagkakatotoo ba ang mga salita ng Diyos.) Ang tatlong ito ba ang kabuuan ng kahulugan ng pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos? (Dapat ay may iba pa.) Ano pang ibang mga pahayag at pagpapamalas ang mayroon? (Walang paggalang ang mga anticristo sa mga salita ng Diyos.) Isa ba sa mga pagpapamalas ng pagkamuhi sa mga salita ng Diyos ang pagtrato nang walang paggalang sa mga salita ng Diyos? Hindi ba’t isang interpretasyon ng pagkamuhi sa mga salita ng Diyos ang pagtrato ng walang paggalang sa mga salita ng Diyos? Dito, hindi natin kailangan ng mga interpretasyon, kundi ang iba’t ibang pagpapamalas at pagsasagawa ng mga anticristo sa pagkamuhi sa mga salita ng Diyos na puwede mong makita at mahawakan, at narinig mo. Mukhang wala kayong masyadong pagkaunawa sa iba’t ibang pagpapamalas na kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos. Puwedeng mayroon kayong literal na pagkaunawa sa tatlong aytem na ibinahagi Ko dati, pero hindi ninyo maisip kung ano pa ang ibang mga pagpapamalas ng pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos, tama ba? Naalala ninyo dapat ang lahat ng tatlong pagpapamalas na napagbahaginan natin dati. Bukas at lantaran ba ang mga pag-uugali at pagpapamalas ng pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos? Ang mga ito ba ang dapat gawin ng mga matuwid na tao? (Hindi.) Ang mga ito ay hindi mga pagpapamalas na dapat umiral sa normal na pagkatao; hindi positibo ang mga ito, kundi negatibo. Tumutukoy kay Satanas, sa mga demonyo, sa mga kaaway ng Diyos, ang pangunahing diwa ng ilang pag-uugaling ito. Sa pagtrato ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos, walang pagpapasakop, walang pagtanggap, walang pagdanas, walang pagsasantabi sa kanilang mga sariling kuru-kuro at walang pagtanggap sa mga salita ng Diyos nang simple at tapat—sa halip, nagkakaroon sila ng iba’t ibang satanikong saloobin sa mga salita ng Diyos. Ang disposisyong nabubunyag sa pamamagitan ng mga pagpapamalas at pag-uugaling ito ng mga anticristo ang mismong nabubunyag ni Satanas sa espirituwal na mundo. Hindi positibo ang mga pag-uugaling ito, sa anumang sitwasyon, sa anumang panahon, sa anumang grupo ng mga tao. Buktot at negatibo ang mga ito, at hindi mga pagpapamalas o pag-uugali na dapat mayroon ang isang nilikha o isang normal na tao. Kaya, tinutukoy natin ang mga ito bilang mga pagpapamalas ng mga anticristo. Matapos pagbahaginan ang tatlong aytem na ito, maaaring isipin ng karamihan ng tao na ang tatlong pagpapamalas na ito ay marahil sumasaklaw sa lahat ng pangunahing saloobin ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos. Gayumpaman, may isang punto na nakaligtaan ninyo: Hindi limitado sa tatlong pamamaraang ito ang pagtrato ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos. May isa pang pagpapamalas at pag-uugali na nagpapakita rin na kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos. Ano ang pagpapamalas na ito? Ito ay iyong tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal. Kung titingnan natin ang literal na kahulugan nito, maaaring may mga imahe sa isipan ng ilang tao na tumutukoy sa ilang indibidwal, pero hindi pa rin malinaw ang mga partikular at totoong pagpapamalas nito; napakalabolabo at napakapangkalahatan pa rin ang mga ito. Kaya, ngayon, pagbabahaginan natin kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal.

D. Tinatrato ng mga Anticristo ang mga Salita ng Diyos Bilang Isang Kalakal

Tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal; puwede ring sabihin na tinatrato ng mga anticristo ang mismong katotohanan bilang isang kalakal. Ano ang ibig sabihin ng tratuhin ang mga ito bilang mga kalakal? Nangangahulugan ito ng paggawa lamang ng ilang berbal na pahayag, pagpapakitang-gilas, at pagkatapos ay pandaraya para makuha ang tiwala, suporta, at pag-endorso ng mga tao para makamit ang katanyagan, pakinabang, at katayuan. Kaya, nagiging mga tuntungan nila ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan. Ito ang saloobin ng mga anticristo sa katotohanan. Sinasamantala, nilalaro, at tinatapakan nila ang katotohanan, na itinatakda ng kalikasang diwa ng mga anticristo. Kaya, ano ba mismo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan? Paano natin dapat tumpak na bigyang kahulugan ang katotohanan? Sabihin ninyo sa Akin, ano ang katotohanan? (Ang katotohanan ang pamantayan para sa pag-asal, pagkilos, at pagsamba sa Diyos ng tao.) Isa itong tumpak at partikular na kahulugan ng katotohanan. Paano ninyong lahat nauunawaan ang pahayag na ito? Paano mo ito dapat ilapat sa iyong pang-araw-araw na buhay at sa buong buhay mo? Paano mo dapat danasin ang pahayag na ito? Sabihin ninyo agad kung ano ang naiisip at nauunawaan ninyo nang hindi ito pinipili o pinoproseso muna. Sa wika ng inyong karanasan, ano ang katotohanan? Ano ang mga salita ng Diyos? (Puwedeng baguhin ng katotohanan ang pananaw sa buhay at ang mga pinahahalagahan ng isang tao, binibigyang kakayahan siyang isabuhay ang wangis ng isang normal na tao.) Bagaman hindi komprehensibo, ang lahat ng sinabi ninyo ay nagpapahayag ng pang-unawa sa katotohanan na batay sa karanasan; ang mga ito ang mga kabatiran at pagpapahalaga na inyong naranasan at naibuod mula sa pang-araw-araw na buhay. Sino pa ang gustong magbahagi? (Kayang madalisay ng katotohanan ang aming mga tiwaling disposisyon, binibigyang-kakayahan kaming kumilos ayon sa mga prinsipyo at gawin ang mga bagay nang naaayon sa mga layunin ng Diyos.) Maganda at diretsa ang pahayag na ito. Sige, magpatuloy ka. (Ang katotohanan ay buhay, ang daan sa buhay na walang hanggan. Tanging sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan at pamumuhay sa pamamagitan nito na makakamtan ng isang tao ang buhay.) (Ang katotohanan ang nagbibigay-daan sa mga tao na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, para maging isang tunay na tao.) Parehong may kinalaman ang dalawang puntong ito sa mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao. Bagaman medyo malalim at mataas ang mga paliwanag, napakapraktikal ng mga ito. (Kayang ilantad ng katotohanan ang mga tiwaling disposisyon sa loob namin, baguhin ang aming mga maling pananaw sa mga bagay-bagay, at bigyan kami ng kakayahan na isabuhay ang wangis ng isang tunay na tao.) Ang mga pahayag na ito ay praktikal at may kinalaman sa halaga at kabuluhan ng katotohanan sa mga tao, pati na rin ang mga puwedeng epekto ng katotohanan sa mga tao. Ang nabanggit ninyong lahat ay madalas na nating pinag-uusapan dati. Bagaman magkakaiba ang binibigyang-diin ng bawat tao, may kinalaman ang lahat ng ito sa naunang ipinaliwanag at tinukoy na pahayag tungkol sa katotohanan—ang katotohanan ang pamantayan sa pagsukat sa lahat ng bagay. Maitutumbas ba ang katotohanan sa mga salita ng Diyos? (Oo.) Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Base sa pagkaunawang batay sa karanasan na inyong inilahad sa inyong pagbabahagi, masasabi ba natin na ang katotohanan ang realidad ng lahat ng positibong bagay? (Oo.) Ang katotohanan ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Maaari itong maging buhay ng isang tao at ang direksyon kung saan siya naglalakad; maaari nitong tulutan ang isang tao na iwaksi ang kanyang tiwaling disposisyon, na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, na maging isang taong nagpapasakop sa Diyos at isang kwalipikadong nilikha, isang taong minamahal ng Diyos at katanggap-tanggap para sa Diyos. Dahil sa kahalagahan ng katotohanan, ano dapat ang saloobin at perspektiba ng isang tao sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan? Ito ay lubhang malinaw: Para sa mga tunay na nananampalataya sa Diyos at mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, ang Kanyang mga salita ang kanilang buhay. Dapat na pakaingatan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, kainin at inumin ang mga ito, tamasahin ang mga ito, at tanggapin ang mga ito bilang kanilang buhay, bilang direksyon na kanilang nilalakad, bilang kanilang nakahandang saklolo at panustos; dapat na magsagawa at dumanas ang mga tao nang alinsunod sa mga pahayag at hinihingi ng katotohanan, at magpasakop sa bawat hinihingi at prinsipyo na ipinagkakaloob sa kanila ng katotohanan. Saka lamang makapagtatamo ng buhay ang isang tao. Sa pangunahin, ang paghahangad sa katotohanan ay ang pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos, sa halip na isailalim ang mga ito sa pagsisiyasat, pagsusuri, espekulasyon, at pagdududa. Dahil ang katotohanan ang nakahandang saklolo at panustos ng mga tao, at maaaring maging buhay nila, dapat nilang tratuhin ang katotohanan bilang ang pinakamahalagang bagay. Sapagkat kailangan nilang umasa sa katotohanan upang mabuhay, upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, upang matakot sa Kanya at umiwas sa kasamaan, at upang mahanap sa pang-araw-araw na buhay nila ang landas ng pagsasagawa at maarok ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, nang natatamo ang pagpapasakop sa Diyos; dapat ding umasa sa katotohanan ang mga tao upang maiwaksi ang kanilang tiwaling disposisyon, upang maging isang taong nailigtas at isang kwalipikadong nilikha. Mula sa anong perspektiba o sa anong paraan man ito ipinahayag, ang pinakahindi dapat na maging saloobin ng mga tao sa katotohanan ay ang tratuhin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan bilang isang produkto o isang kalakal pa nga na basta-basta lang ipinagpapalit. Ito ang pinakaayaw na makita ng Diyos, at ito rin ang huling uri ng pag-uugali at pagpapamalas na dapat mayroon ang isang tunay na nilikha.

Ano ang mithiin at layunin ng mga anticristo sa pagtrato sa mga salita ng Diyos bilang isang kalakal? Ano ba talaga ang kanilang layunin, at ano ang kanilang motibo? Kapag nakakakuha ng isang kalakal ang isang negosyante, inaasahan niya na ang kalakal ay magdadala sa kanya ng mga pakinabang at ng malaking halaga ng pera na kanyang ninanais. Samakatwid, kapag tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal, walang duda na tinatrato nila ang mga salita ng Diyos bilang materyal na bagay na puwedeng ipagpalit para sa mga pakinabang at pera. Hindi nila pinahahalagahan, tinatanggap, isinasagawa, o dinaranas ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, ni hindi nila tinatrato ang mga salita ng Diyos bilang ang daan ng buhay na dapat nilang sundin, ni bilang ang katotohanan na dapat nilang isagawa para maiwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Sa halip, tinatrato nila ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal. Para sa isang negosyante, ang pinakamalaking halaga ng isang kalakal ay ang maipagpalit ito para sa pera, para sa nais na kita. Kaya, kapag tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal, magkapareho ang kanilang layunin at motibo. Tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal, ibig sabihin, hindi nila ginagamit ang mga ito para kainin, inumin, at tamasahin, hindi rin para sa kanilang karanasan o pagsasagawa, kundi bilang mga kalakal sa kanilang mga kamay na ipagpapalit at ibebenta kahit kailan at kahit saan, iniaalok sa mga taong mapagkakakitaan nila. Kapag tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal, sa literal na kahulugan, ibig sabihin nito ay tinatrato nila ang mga salita ng Diyos tulad ng isang paninda, ginagamit sa mga transaksyon para ipagpalit sa pera; ginagawa nilang propesyon nila ang pagbili at pagbebenta sa mga salita ng Diyos. Mula sa literal na perspektiba, malinaw na agad ito. Kahiya-hiya ang mga ganitong kilos at pag-uugali ng mga anticristo, na nagdudulot ng pagkamuhi at pagkasuklam ng mga tao. Kaya, ano ang mga partikular na pagpapamalas ng mga anticristong nagtuturing sa mga salita ng Diyos bilang isang kalakal? Ito ang pangunahing punto na ating pagbabahaginan. May ilang kitang-kitang pagpapamalas ang mga anticristo sa pagturing sa mga salita ng Diyos bilang isang kalakal. Para maging mas malinaw at mas madaling maunawaan para sa inyo, tatalakayin pa rin natin ang mga ito nang isa-isa. Bakit Ko ginagamit ang pamamaraang ito? Batay sa Aking maraming taon ng karanasan sa paggawa at pagsasalita, may magulong isipan ang karamihan sa mga tao at wala silang kakayahang mag-isip nang sila lang. Batay rito, naisip Ko ang pinakamadali at pinakamabisang paraan, ang ipaliwanag at linawin ang kada aytem ng anumang isyu o paksa—ano man ito—para matulungan kayong pag-isipan at pagnilayan ito. Angkop ba ito? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Tamang-tama iyan, hindi na namin kailangang pigain ang aming utak at mag-isip nang husto. Masyado kaming abala at wala kaming oras para diyan! Ginagamit namin para sa malalaking bagay ang aming enerhiya at isipan, hindi sa di-makabuluhan, maliliit lang na usapin. Ang pagpapaisip sa amin sa mga maliliit na bagay na ito, parang minamaliit Mo kami at hindi Mo ginagamit ang aming dakilang talento.” Ganoon ba talaga ang nangyayari? (Hindi.) Kung ganoon, ano ito? (Napakahina ng aming kakayahan na kung minsan ay hindi namin maarok ang katotohanan, at kailangan namin ang Diyos na magbahagi nang detalyado, sa kada salita, sa kada pangungusap, para maunawaan namin ang ilan dito.) Kita mo, hindi Ko sinasadyang nailarawan ang aktuwal na kalagayan ng mga bagay-bagay, inilalantad kung ano talaga ang nangyayari sa inyo, pero ganoon lang talaga ang mga katunayan. Ito pa rin ang mangyayari kahit na hindi Ko ito inilantad. Wala nang ibang paraan kundi gawin ito sa ganitong paraan. Kung magsasalita lang Ako tungkol sa malalaking paksa sa simple at pangkalahatang paraan, magiging walang saysay ang pagsasalita Ko at magsasayang lang Ako ng pagod. Pagsasayang lang iyon ng oras, hindi ba? Balikan natin ang pangunahing paksa. Tungkol sa pagtrato ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos bilang isang kalakal, hahatiin natin ito sa ilang maliit na paksa para ipaliwanag at linawin nang paisa-isa kung paano ito ginagawa ng mga anticristo, at kung ano ang mga partikular na halimbawa at pagpapamalas na sapat na makakapagpatunay na kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, at makakapagpatunay rin na talagang taglay ng mga anticristo ang gayong diwa. Pagbabahaginan natin ang aytem na ito sa dalawang pangunahing bahagi.

1. Tinatrato ang mga Salita ng Diyos Bilang Isang Kasangkapan sa Pagtatamo ng Katayuan, Reputasyon, at Dangal

Ang unang pangunahing aspekto ay iyong ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng mga anticristo sa pagtrato sa mga salita ng Diyos bilang isang kalakal ay ang paggamit sa mga ito bilang kasangkapan para makamit ang katayuan, reputasyon, dignidad nila, at lalo na para sa materyal na kasiyahan, at higit pa rito, para sa pera. Kapag nakakaugnay ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, nararamdaman nila, “Napakaganda ng mga salita ng diyos. Makatwiran at tama ang bawat pangungusap; hindi masasabi ng mga tao ang mga salitang ito, at hindi matatagpuan ang mga ito sa Bibliya.” Sa nakaraang dalawang kapanahunan, hindi sinabi ng Diyos ang mga salitang ito. Wala rin sa Lumang Tipan o Bagong Tipan ang mga salitang gayon kalinaw at kasimpleng sinabi. Itinatala lamang ng Bibliya ang napakalimitadong bahagi ng mga salita ng Diyos. Kung titingnan ang sinasabi ng Diyos ngayon, napakasagana ng nilalaman nito. Pagkatapos, sa kanilang puso ay nakakaramdam ng selos at inggit ang mga anticristo, at nagsisimula silang magpakana sa loob-loob nila: “Napakaraming nasasabi ng ordinaryong taong ito; kailan ko rin kaya masasabi ang mga salitang ito? Gaya ng taong ito, kailan ko kaya masasabi nang walang patid ang mga salita ng Diyos?” Mayroon silang gayong pag-uudyok at pagnanais sa kanilang puso. Batay sa pag-uudyok at pagnanais na ito, sa kanilang puso, naiinggit at namamangha ang mga anticristo sa mga salitang sinasabi ng Diyos. Ginagamit Ko ang mga salitang “naiinggit” at “namamangha” para ipahiwatig na hindi itinuturing ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, at wala silang balak na tanggapin ang mga ito, kundi naiinggit sila sa masaganang nilalaman ng mga salitang ito, ang malalawak na saklaw, at ang lalim ng mga salitang ito, na sumasalamin sa lalim na hindi maaabot ng tao—at higit pa rito, naiinggit sila na ito ay mga salitang hindi nila masasabi. Mula sa mga aspektong ito ng “inggit,” maliwanag na hindi itinuturing ng mga anticristo ang mga salitang ito ng Diyos bilang mga pagpapahayag ng pagka-diyos, bilang ang katotohanan, o bilang ang buhay at ang katotohanan na layong gamitin ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan at tustusan ang sangkatauhan. Dahil nagagawang kainggitan ng mga anticristo ang mga salitang ito, malinaw na, sa kanilang puso, gusto rin nilang sila ang magpahayag ng mga gayong salita. Batay rito, maraming anticristo ang nagsikap nang labis nang lingid sa kaalaman ng iba, nananalangin araw-araw, nagbabasa ng mga salitang ito araw-araw, nagtatala, nagkakabisado, nagbubuod, at nag-oorganisa. Pinagsikapan nila nang husto ang mga salitang ito na sinabi ng Diyos, gumawa ng napakaraming tala, at isinulat ang maraming kabatiran mula sa kanilang mga espirituwal na debosyon, nanalangin din sila nang napakaraming beses para maalala ang mga salitang ito. Ano ang layon nila sa paggawa ng lahat ng ito? Para isang araw ay maaari silang biglang magkaroon ng bugso ng inspirasyon at magawa nilang walang patid na makapagsalita ng mga salitang sasabihin ng Diyos, tulad ng biglaang bugso ng agos ng tubig; umaasa silang tulad ng mga salita ng Diyos, makapagtutustos ang kanilang mga salita sa mga pangangailangan ng mga tao, makapagbibigay ng buhay sa mga tao, makapagbibigay ng dapat makamit ng mga tao, at makapaggigiit sa mga tao. Ito ay para tulad ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, makakatayo sila sa perspektiba at katayuan ng Diyos, at sabihin ang mga bagay na tulad ng sinasabi ng Diyos gamit ang Kanyang tono at paraan ng pagsasalita, gaya ng ninanais nila. Pinagsumikapan ito nang husto ng mga anticristo, at hindi kalabisan na sabihin na madalas na lihim na kumukuha ang ilan sa kanila ng mga kwaderno para itala ang mga salitang gusto nilang sabihin, ang mga salitang hinihintay nilang ibigay sa kanila ng Diyos. Gayumpaman, anuman ang gawin nila, palaging hindi natutupad ang mga pagnanais ng mga anticristo, hindi kailanman nagiging totoo ang mga hinihiling nila. Kahit gaano pa sila magsumikap, kahit gaano pa sila manalangin, kahit gaano pa nila itala ang mga salita ng Diyos, o paano man nila ito kabisaduhin at i-organisa, walang saysay ang lahat ng ito. Hindi nagsasalita ang Diyos ng kahit isang pangungusap sa pamamagitan nila, ni hindi tinulutan ng Diyos na marinig nila ang Kanyang tinig kahit isang beses. Kahit gaano pa sila nananabik o gaano man sila kabalisa, sadyang hindi sila makapagsalita ng kahit isang pangungusap ng mga salita ng Diyos. Habang mas nagiging balisa at inggit sila, at habang mas nabibigo silang makamit ang kanilang mithiin, lalo silang naiirita sa loob-loob nila. Ano ang kanilang ikinaiirita, at bakit labis silang balisa? Nakikita nila na nagdadala ng mas maraming tao ang mga salita ng Diyos sa harap Niya upang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at upang tanggapin ang Kanyang salita bilang buhay, pero walang ni isang tao ang sumasamba o humahanga sa kanila sa paanan nila, sa kanilang presensya. Ito ang nagpapabalisa at nagpapairita sa kanila. Sa kanilang pagkairita at pagkabalisa, ang iniisip at pinagninilayan pa rin ng mga anticristo ay: “Bakit ginagawa ng mga taong ito ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng diyos? Bakit iba kapag pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos kumpara sa mundo ng mga walang pananampalataya? Bakit karamihan sa mga tao, pagkatapos pumunta sa sambahayan ng diyos, ay nagsisimula nang umasal nang maayos at patuloy na bumubuti? Bakit ginugugol ng karamihan sa mga tao ang sarili nila at nagbabayad ng halaga sa sambahayan ng diyos nang walang kabayaran, at kahit na kapag pinupungusan sila, hindi sila umaalis, at hindi pa nga umaalis ang ilan kahit na napaalis o napatalsik na sila? Sa kaibuturan, ang mga salita ng diyos ang tanging dahilan, ito ang epekto at papel na ginagampanan ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao.” Kapag nakita ng mga anticristo ang puntong ito, lalo silang naiinggit sa mga salita ng Diyos. Kaya, pagkatapos magsumikap nang husto at hindi pa rin nila nagagawang magsalita ng mga salita ng Diyos o maging isang tagapagsalita para sa Diyos, inililipat ng mga anticristo ang kanilang tuon sa mga salita ng Diyos: “Kahit na hindi ako makapagsabi ng mga salita maliban sa sinabi ng diyos, kung makapagsasabi ako ng mga salitang kaayon ng mga salita ng diyos—kahit na mga doktrina lamang o walang kabuluhan ang mga ito—basta’t mukha itong tama sa mga tao, basta’t tila naaayon ang mga ito sa mga salita ng diyos, hindi ba’t puwede akong magkaroon ng puwang sa gitna ng mga tao? Hindi ba’t puwede akong manindigan sa gitna nila? O kung madalas kong ipangangaral at ipaliliwanag ang mga salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, madalas na ginagamit ang mga salitang ito para tulungan ang mga tao, at parang galing sa mga salita ng diyos at parang tama ang lahat ng sinasabi at ipinapangaral ko, hindi ba’t magiging mas matatag ang aking katayuan sa gitna ng mga tao? Hindi ba’t makakakuha ako ng mas maraming prestihiyo sa kanila?” Sa pag-iisip nito, nararamdaman ng mga anticristo na nakahanap na sila ng paraan para matupad ang kanilang mga hinihiling na magkamit ng katayuan, ng mas mataas na reputasyon at pagkilala, at nakikita nilang may pag-asa na makamit ito. Pagkatapos makakita ng pag-asa, lihim na nasisiyahan ang mga anticristo sa kanilang puso: “Ang talino ko hindi ba? Walang ibang nakatanto nito; bakit hindi alam ng iba ang paraang ito? Napakatalino ko! Pero gaano man ako katalino, hindi ko ito puwedeng sabihin sa iba; sapat nang alam ko ito sa aking puso.” Nagsimula nang pagsikapan nang husto ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos nang may gayong mithiin at plano sa kanilang isipan. Iniisip nila, “Dati, sinusulyapan ko lang ang mga salita ng diyos, kaswal lang akong nakikinig, at sinasabi ko ang kahit anong pumasok sa isip ko. Kailangan ko ngayong baguhin ang aking estratehiya; hindi ko na puwedeng gawin iyon, sayang ang oras. Hindi nagbunga ng resulta ang ganoong paggawa ko noon; talagang kahangalan kung magpapatuloy ako nang ganoon!” Kaya, inaayos nila ang kanilang sarili, determinado silang pagsikapan ang mga salita ng Diyos at ipangalandakan ang kanilang mga abilidad. Ano ang mga ginagawa ng mga anticristo upang ipangalandakan ang kanilang mga abilidad? Sinisiyasat nila ang paraan ng pagsasalita ng Diyos, ang tono ng Kanyang pananalita, at sinisiyasat din nila ang partikular na nilalaman ng mga salita ng Diyos sa bawat yugto at panahon. Kasabay nito, naghahanda sila kung paano ipapaliwanag ang mga salitang ito ng Diyos, at kung kailan nila ipapangaral ang mga salita ng Diyos, kung paano sabihin at ipaliwanag ang mga ito sa paraang hahangaan at iidolohin sila ng mga tao. Kaya, unti-unti, talagang pinagsumikapan ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos. Gayumpaman, isang bagay ang sigurado: Dahil mali ang kanilang mga motibo sa likod ng pagsisikap na ito at dahil masama ang kanilang mga layunin, ang mga salitang kanilang sinasabi, paano man sila pakinggan ng iba, ay mga doktrina lamang, mga kinopyang salita at parirala ng pananalita ng Diyos. Kaya, gaano man pagsumikapan ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, wala sila mismong natatamong personal na pakinabang. Ano ang ibig sabihin ng walang natatamong pakinabang? Ibig sabihin, hindi nila tinatrato ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan. Hindi sila nagsasagawa, kundi nangangaral lamang, kaya walang nakikitang pagbabago sa kanila. Hindi nagbabago ang kanilang mga maling pag-iisip at pananaw, hindi nagbabago ang kanilang maling pananaw, wala silang pagkaunawa tungkol sa kanilang sariling mga tiwaling disposisyon, at ganap silang nabigo na ihambing ang kanilang sarili sa iba’t ibang kalagayan ng tao na inilarawan ng Diyos. Kaya, gaano man siyasatin ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, dalawa lamang ang nakikitang kalalabasan nila: Una, kahit na tama ang mga salita ng Diyos na kanilang sinasabi, at kahit hindi mali ang kanilang mga paliwanag sa mga salitang ito, wala kang nakikitang anumang pagbabago sa kanila. Pangalawa, gaano man nila masigasig na itaguyod at ipangaral ang mga salita ng Diyos, wala silang anumang kaalaman sa kanilang sarili. Malinaw itong makikita. Ang dahilan kung bakit nagpapakita ng gayong pag-uugali ang mga anticristo ay dahil kahit na madalas nilang itaguyod at ipangaral ang mga salita ng Diyos sa iba, hindi nila mismo tinatanggap na katotohanan ang mga salita ng Diyos. Hindi nila mismo tinanggap ang mga salitang ito; gusto lamang nilang gamitin ang mga ito upang makamit ang kanilang mga lihim na motibo. Umaasa silang magkamit ng katayuan at mga pakinabang na gusto nila sa pamamagitan ng pangangaral ng mga salita ng Diyos, at kung ituturing at sasambahin sila ng mga tao na parang diyos sila, magiging ideyal iyon. Kahit na hindi pa nila natatamo ang ganitong layon o resulta, ito ang pinakamithiin ng bawat anticristo.

Pinagsumikapan nang husto ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos; maaaring magkamali ng pagkaunawa ang ilang tao kapag narinig nila ito at magtanong, “Ibig bang sabihin nito na anticristo ang lahat ng nagsisikap sa mga salita ng Diyos?” Kung ito ang interpretasyon mo, wala kang espirituwal na pang-unawa. Ano ang pagkakaiba ng pagsisikap ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos at ng pagsisikap ng mga naghahangad sa katotohanan? (Magkaiba ang layunin at mithiin. Pinagsisikapan ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos para sa kanilang sariling kapakinabangan at katayuan, para matugunan ang kanilang mga personal na ambisyon.) Ano ang pagsisikap ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos? Kinakabisado nila ang bahagi ng mga salita ng Diyos na umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, natututunan nilang ipaliwanag ang mga salita ng Diyos gamit ang wika ng tao, at isinusulat ang mga espirituwal na tala at kabatiran. Sinasala, binubuod, at inoorganisa nila ang iba’t ibang pahayag ng Diyos, tulad ng mga pinaniniwalaan ng mga tao na umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, iyong madaling mahiwatig na may tono ng pagsasalita ng Diyos, ilang salita tungkol sa mga hiwaga, at ilang salita ng Diyos na popular at madalas na ipinapangaral sa iglesia sa loob ng isang panahon. Bukod sa pagkakabisado, pag-oorganisa, pagbubuod, at pagsusulat ng mga kabatiran, siyempre, may iba pa, kabilang na ang ilang kakaibang aktibidad. Magbabayad ng anumang halaga ang mga anticristo upang magtamo ng katayuan matugunan ang kanilang ambisyon, at makamit ang mithiin nilang makontrol ang iglesia at maging diyos. Madalas silang nagpapakapuyat sa pagtatrabaho at gumigising nang madaling-araw, gumagawa nang dis-oras ng gabi at ineensayo ang kanilang mga sermon sa madaling araw, at itinatala rin nila ang matatalinong bagay na sinasabi ng iba, para lamang sangkapan ang kanilang sarili ng mga doktrinang kailangan nila para makapagbigay ng matatayog na sermon. Araw-araw nilang pinag-iisipan kung paano ipapahayag ang matataas na sermong ito, pinagmumuni-munihan kung alin sa mga salita ng Diyos ang pinakakapaki-pakinabang, at ang makapagpapahanga at makaaani ng papuri mula sa mga hinirang na tao ng Diyos, at pagkatapos ay kinakabisado nila ang mga salitang iyon. Pagkatapos ay pag-iisipan nila kung paano bigyang kahulugan ang mga salitang iyon sa paraang naipapakita ang kanilang dunong at katalinuhan. Upang talagang maikintal ang salita ng Diyos sa puso nila, sinisikap nilang makinig sa salita Niya nang ilang beses pa. Ginagawa nila ang lahat ng ito nang may buong pagsisikap katulad ng mga estudyanteng nakikipagkumpitensya para makapasok sa kolehiyo. Kapag may isang taong nagbibigay ng mabuting sermon, o may isang nagbibigay ng kaunting pagtanglaw, o may isang nagbibigay ng ilang teorya, titipunin at pagsasama-samahin ito ng isang anticristo at gagawin niya itong sarili niyang sermon. Walang anumang pagsisikap ang hindi kayang gawin ng isang anticristo. Ano, kung gayon, ang motibo at intensyon sa likod ng pagsisikap niyang ito? Ito ay ang magawang ipangaral ang mga salita ng Diyos, ang masabi ang mga ito nang malinaw at walang kahirap-hirap, ang magkaroon ng kadalubhasaan sa mga ito, nang sa gayon ay makita ng iba na mas espirituwal ang anticristo kaysa sa kanila, mas mapagpahalaga sa mga salita ng Diyos, at mas mapagmahal sa Diyos. Sa ganitong paraan, maaaring makuha ng isang anticristo ang paghanga at pagsamba ng ilan sa mga taong nasa paligid nila. Pakiramdam ng isang anticristo ay may katuturang gawin ang bagay na ito at sulit ang kahit ano pang pagsisikap, sakripisyo, o paghihirap para rito. Pagkatapos ng dalawa, tatlo, limang taon ng pagsisikap na ito, unti-unting nagiging pamilyar ang mga anticristo sa paraan ng pagsasalita ng Diyos at sa nilalaman at tono ng Kanyang mga salita; kaya pa ngang gayahin ng ilang anticristo ang mga salita ng Diyos o magbigkas ng ilang pangungusap ng mga ito tuwing nagsasalita sila. Siyempre, hindi ito ang pinakamahalaga para sa kanila. Ano ang pinakamahalaga? Habang nagagawa nilang gayahin at bigkasin ang mga salita ng Diyos kapag gusto nila, nagiging higit na katulad sa diyos, at higit na katulad ng kay cristo, ang kanilang paraan ng pagsasalita, tono, at maging ang kanilang intonasyon. Ikinatutuwa ito ng mga anticristo sa kanilang puso. Ano ang ikinatutuwa nila? Lalo nilang nararamdaman na napakaganda kung magiging diyos sila, na maraming tao ang umiidolo at pumapaligid sa kanila—magiging napakarangal niyon! Iniuugnay nila ang lahat ng nakamit na ito sa mga salita ng Diyos. Naniniwala sila na ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa kanila ng pagkakataon, ang nagbigay ng inspirasyon sa kanila, at higit pa, dahil sa mga salita ng Diyos kaya natutunan nilang gayahin ang paraan ng pagsasalita at tono ng Diyos. Sa huli, dahil dito ay naramdaman nila na lalo silang gaya ng diyos, na lalo na silang napapalapit sa pagkakakilanlan at katayuan ng diyos. Higit pa rito, pinaparamdam nito sa kanila na ang kakayahang gayahin ang paraan ng pagsasalita at tono ng Diyos, ang magsalita at mamuhay nang may paraan ng pagsasalita at intonasyon ng Diyos, ay labis na kasiya-siya, na nagiging pinakamasayang sandali nila. Narating na ng mga anticristo ang puntong ito—masasabi ba ninyo na mapanganib ito? (Oo.) Nasaan ang panganib? (Gusto nilang maging diyos.) Mapanganib ang kagustuhang maging diyos, tulad ni Pablo, na nagsabing para sa kanya ang mabuhay ay si cristo. Wala nang pag-asang matubos ang isang tao kapag nasabi na ang mga gayong salita. Tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang daan upang maging diyos. Sa prosesong ito, ano ang nagawa ng mga anticristo? Nagsumikap na sila nang husto, gumugol ng maraming enerhiya at oras sa mga salita ng Diyos. Sa panahong ito, siniyasat at sinuri nila ang mga salita ng Diyos, paulit-ulit na binabasa, kinakabisado, at inoorganisa ang mga ito. Ginaya pa nga nila ang paraan ng pagsasalita at tono ng Diyos habang binabasa ang Kanyang mga salita, lalo na ang mga karaniwang ginagamit na parirala sa pananalita ng Diyos. Ano ang diwa ng lahat ng kilos na ito? Dito, inilalarawan Ko ito bilang diwa ng isang negosyante na bumibili ng mga kalakal sa mababang presyo; ibig sabihin, ginagamit ng mga anticristo ang pinakamurang paraan para gawing materyal na bagay na pag-aari nila ang mga salita ng Diyos. Kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila tinatanggap ang mga ito bilang ang katotohanan, ni bilang landas na dapat pasukin ng mga tao at hindi nila itinuturing ang mga ito nang gayon. Sa halip, sinusubukan nila ang lahat ng paraan upang kabisaduhin ang mga salitang ito, ang paraan at tono ng pagsasalita, sa pagtatangkang maging sila ang siyang nagpapahayag ng mga gayong salita. Kapag nagagawang gayahin ng mga anticristo ang tono at paraan ng pagsasalita ng Diyos, at nagagawang gamitin nang husto ang ganitong paraan at tono ng pagsasalita sa kanilang mga pananalita at kilos, nang namumuhay sa gitna ng mga tao, ang layunin nila ay hindi upang tapat na gawin ang kanilang tungkulin, upang gawin ang mga bagay nang may mga prinsipyo, o upang maging tapat sa Diyos. Sa halip, sa pamamagitan ng paggaya sa tono at paraan ng pagsasalita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pangangaral ng mga salitang ito ng Diyos, gusto nilang pumasok nang malalim sa puso ng mga tao at maging pakay ng pagsamba ng mga tao. Ninanais nilang umakyat sa trono sa puso ng mga tao at maghari doon, at manipulahin ang mga isipan at pag-uugali ng mga tao, sa gayon ay matamo ang mithiin na kontrolin ang mga tao.

Kung ilalarawan natin ang pagsisikap ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos bilang mga negosyante na murang binibili ang mga salita ng Diyos bilang mga kalakal, kung gayon, hindi ba’t ang paggaya ng mga anticristo sa paraan ng pagsasalita ng Diyos, ang paggamit nila ng paraan ng pagsasalita at tono ng Diyos upang ipangaral ang Kanyang mga salita, ay kapareho ng pagbebenta sa salita ng Diyos bilang isang kalakal? (Oo.) Walang negosyanteng bibili ng mga kalakal na hindi nila ibinebenta kalaunan. Ang layon nila sa pagkuha at pag-aari ng mga ito ay para kumita nang mas malaki mula sa mga aytem na ito, para ipagpalit ang mga ito sa mas maraming pera. Kaya, ang lubos na pagsisikap ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos at ang kanilang saloobin sa mga ito ay katulad lamang ng mga anticristo na kumikilos gaya ng mga negosyante para makuha ang mga ito gamit ang pinakamura, pinakamababang halaga, at pinakamadaling paraan, ginagawang kanilang sariling pag-aari ang mga ito, at pagkatapos ay ibinebenta ang mga ito sa mas mataas na halaga upang makamit ang mga pakinabang na kanilang ninanais. At ano ang mga pakinabang na ito? Ito ay ang mataas na pagpapahalaga, pag-iidolo, paghanga ng mga tao, at lalo na ang kanilang pagsunod. Kaya, karaniwan na makakikita sa iglesia ng isang penomena kung saan ang isang tao na pangunahing hindi isinasagawa ang mga salita ng Diyos at hindi kilala ang sarili ay maraming tagasunod, maraming umaasa at umiidolo sa kanya. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil mahusay magsalita, magaling magpaliwanag, at madaling manlihis ng mga tao ang taong ito. Hindi niya isinasagawa ang mga salita ng Diyos, hindi rin niya pinangangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo, at nabibigo rin siyang ipatupad ang gawain at mga pagsasaayos ng iglesia mula sa Itaas. Pero bakit pa rin siya nakapag-iiwan ng magandang impresyon sa ilang tao? Kapag may talagang nangyayari sa kanya, bakit pinagtatakpan at pinoprotektahan siya ng maraming tao? Bakit siya ipinagtatanggol ng ilang tao kapag isa siyang lider? Bakit may ilang tao na humahadlang na matanggal siya? Ang dahilan kung bakit nakakatanggap pa rin ng gayong pagtrato sa iglesia ang isang taong puno ng mga kapintasan, puno ng tiwaling disposisyon ni Satanas, at hindi kailanman nagsasagawa sa katotohanan ay dahil lamang ang taong ito ay masyadong mahusay magsalita, masyadong mahusay magkunwari, at masyadong mahusay sa panlilihis ng mga tao—ganoon mismo ang mga anticristo. Kung gayon, puwede ba nating sabihin na mga anticristo ang mga gayong tao? Oo, siguradong mga anticristo ang gayong mga tao. Madalas nilang binabasa ang mga salita ng Diyos, madalas nilang kinakabisado at ipinapangaral ang mga ito, madalas nilang ginagamit ang mga salita ng Diyos upang sermunan at pungusan ang iba, at ginagamit ang perspektiba at mga paninindigan ng Diyos para sermunan ang mga tao, ginagawa silang ganap na masunurin at sunud-sunuran sa kanila, at napapabilib nila ang mga tao matapos marinig ang mga engrandeng doktrina na kanilang sinasabi. Pero ang mga gayong tao ang mga hindi kailanman nakakakilala sa sarili at hindi kailanman pinapangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo. Kung isa silang lider, walang nagiging bisa ang mga nakatataas nilang lider. Nagiging imposibleng maunawaan ang sitwasyon sa iglesia sa ilalim ng kanilang pamumuno. Sa kanilang presensya, hindi maipapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, ang mga prinsipyo at mga hinihingi na itinakda ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t mga anticristo ang mga gayong tao? Tinuturing ba nila ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan? (Hindi.) Pinagsisikapan nila ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at kaya nilang bigkasin ang ilan sa mga ito. Sa mga pagbabahaginan sa mga pagtitipon, madalas nilang binabanggit ang mga salita ng Diyos, at sa kanilang libreng oras, pinakikinggan nila ang mga recording ng pagbasa ng mga salita ng Diyos. Kapag nakikipag-usap sila sa iba, ginagaya lamang nila ang mga salita ng Diyos at wala nang iba pang sinasabi. Walang kapintasan ang lahat ng kanilang ipinapangaral at sinasabi. Ang gayong tao, na tila perpekto sa panlabas, isang diumano’y “tamang tao,” ay nagdudulot ng pagkaantala ng mga pagsasaayos, hinihingi, at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos kapag nakakarating ang mga ito sa kanila. Walang ibang kinikilala ang mga tao sa ilalim nila kundi sila lamang. Ang mga nasa ilalim nila, maliban sa paggalang sa kanila at sa malabong diyos sa langit, ay walang ibang pinakikinggan at binabalewala ang lahat. Hindi ba’t isa itong anticristo? Anong mga pamamaraan ang ginamit nila para makamit ang lahat ng ito? Inabuso nila ang mga salita ng Diyos. Ang mga nalilito sa kanilang pananampalataya, walang espirituwal na pang-unawa, mangmang, magulo ang isip, gayundin ang mga hindi naghahangad sa katotohanan, hindi mananampalataya, at parang mga damong hinahangin, ay itinuturing ang anticristo bilang isang espirituwal na tao. Itinuturing nila ang mga salita at doktrinang ipinapangaral ng anticristo bilang ang katotohanang realidad at itinuturing ang anticristo bilang pakay ng kanilang pagsunod. Habang sumusunod sila sa anticristo, naniniwala silang sumusunod sila sa Diyos. Ginagamit nila ang kanilang pagsunod sa anticristo para palitan ang pagsunod sa Diyos. Sinasabi pa nga ng ilang tao, “Hindi pa nagsasalita o nagbabahagi ang aming lider; kahit basahin namin ang mga salita ng Diyos, hindi namin ito mauunawaan nang kami lang.” “Wala ang aming lider dito—nananalangin kami sa Diyos tungkol sa isang bagay pero hindi kami makapagtamo ng kaliwanagan; binabasa namin ang mga salita ng Diyos pero hindi namin maunawaan ang landas. Kailangan naming hintayin na makabalik na ang aming lider.” “Abala ang aming lider sa mga araw na ito at wala siyang oras na lutasin ang aming mga isyu.” Kung wala ang kanilang amo, hindi marunong manalangin ang mga taong ito, o kung paano kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, hindi nila natutunan na hanapin at umasa sa Diyos o hanapin ang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos nang sila lang. Kung wala ang kanilang amo, para silang mga bulag na tao, parang dinukot ang kanilang puso. Ang kanilang amo ang kanilang mga mata, pati na ang kanilang mga puso at baga. Naniniwala sila na ang kanilang amo ang pinakamahusay sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Kung wala ang kanilang amo, wala silang interes sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos nang sila lang at kailangan nilang hintayin ang kanilang amo na bumalik para magdasal-magbasa at ipaliwanag ang mga salita ng Diyos sa kanila para maunawaan nila. Naniniwala ang mga taong ito sa kaibuturan nila na ang kanilang amo ang kanilang sugo na makakatulong sa kanila na makalapit sa Diyos. Ang makamit ang gayong “epekto” ay isang bagay na ikinalulugod ng mga anticristo sa kaibuturan ng kanilang puso: “Nagbunga na sa wakas ang lahat ng taon ng aking pagsisikap; sa wakas, hindi nasayang ang oras na aking ginugol. Talagang ginagantimpalaan ng pagsisikap ang mga nagpupursigi—kahit ang isang bakal ay maaaring gilingin para maging karayom kung may sapat lamang na pagpupursigi. Sulit ang pagsisikap na ito!” Sa pagkarinig na hindi kayang mabuhay ng kanilang mga tagasunod nang wala ang mga anticristo, hindi nakokonsensiya sa kanilang kaibuturan ang mga anticristo. Sa halip, lihim silang nagagalak, iniisip, “Talagang dakila ang mga salita ng diyos. Tama ang naging desisyon ko noon; tama ang naging pagsisikap ko sa loob ng maraming taon, at napatunayang tama at nagbunga ang aking pamamaraan sa loob ng maraming taon.” Lihim silang natutuwa. Bukod sa wala silang nararamdamang pagkakasala, pagsisisi, o poot para sa kanilang masasamang kilos, lalo pa silang nagiging kumbinsido at tiyak na tama ang kanilang pamamaraan. Kaya, sa darating na panahon, sa kanilang buhay sa hinaharap, balak nilang pag-aralan ang paraan ng pagsasalita at tono ng Diyos gaya ng dati, at gawin ito nang mas masigasig kaysa dati, at mas lalo pang gayahin nang mas malawakan at malalim ang paraan ng pagsasalita at ang mga salitang ginagamit ng Diyos.

Kapag binabasa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, ganap na salungat ang kanilang pokus at mga layunin sa mga taong naghahangad sa katotohanan. Ang mga naghahangad sa katotohanan, kahit ano pa ang paraan ng pagsasalita ng Diyos, ay interesado lamang sa pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, sa mga katotohanang prinsipyo, at sa kung ano ang dapat itaguyod at sundin ng mga tao. Sa kabaligtaran, isinasantabi at binabalewala ng mga anticristo ang mga bagay na ito, tutol pa nga sila sa mga parirala na may kinalaman sa mga bagay na ito, at lihim nilang kinokontra ang mga parirala at terminong may kinalaman sa mga ito. Matapos makamit ang ilang “resulta,” patuloy nilang mas malalim at mas masusing sinisiyasat ang paraan ng pagsasalita at tono ng Diyos, ang mga detalye ng Kanyang intonasyon, ang mga salita na Kanyang ginagamit, ni hindi nila pinalalagpas ang mga detalye ng Kanyang gramatika at ang karaniwang pagkakaayos ng Kanyang mga salita, gamit ang paraan na katulad ng dati. Para mapalapit sa kanilang mithiin, lihim na nagdedesisyon ang mga anticristo sa kanilang puso na siyasatin pa nang mas masusi at mas matindi at malalim ang mga salita ng Diyos, sinisiyasat ang mga layon at adhikain sa likod ng pananalita ng Diyos, at sinisiyasat din ang paraan ng pagpapahayag ng Diyos—ang Tagapagsalitang humaharap sa sangkatauhan at sa buong sansinukob. Walang kapagurang sinisiyasat ng mga anticristo ang bawat aspekto ng pagsasalita ng Diyos, tinatangkang gayahin ang pananalita ng Diyos at magmukha silang nagtataglay ng diwa ng Diyos, nagtataglay ng kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano Siya, at nagtataglay ng disposisyon ng Diyos. Tila nangyayari nang napakanatural at maayos ang lahat ng ito; nagtatrabaho at kumikilos sila para sa kanilang mga mithiin na parang ito ay isang natural na bagay at—bilang isa ring natural na bagay at nang hindi namamalayan—ginagawa nilang diyos ang kanilang sarili, isang pigura ng paghanga at pagsunod para sa ibang tao. Sinisiyasat nila kung paano inaantig ng mga salita ng Diyos ang puso ng mga tao at inilalantad ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kung paano inilalantad ng mga salita ng Diyos ang iba’t ibang kalagayan ng mga tao, at higit pa kung paano nagkaka-epekto ang mga salita ng Diyos sa mga tao. Ano ang layon nila sa pagsisiyasat sa lahat ng ito? Ito ay para pasukin ang puso ng mga tao, maarok ang kanilang mga aktuwal na sitwasyon, at, para ilihis at kontrolin sila, habang lubos na inuunawa ang kanilang mga iniisip. Kapag inilalantad ng mga salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at tinatamaan ang kanilang mga kahinaan, iniisip ng mga anticristo, “Napakadakila at kamangha-mangha ng mga salitang ito, ng paraang ito! Gusto ko ring magsalita nang ganito, gusto kong gamitin ang ganitong paraan ng pagsasalita at tratuhin ang mga tao sa paraang ito.” Sa maraming taon ng kanilang pagbabasa at pagiging pamilyar sa mga salita ng Diyos, lalong itinuturing ng mga anticristo ang kanilang hinihiling at pagnanais na maging diyos bilang ang kanilang tanging mithiin sa pananalig sa Diyos. Kaya, paano man talakayin ng mga salita ng Diyos ang tungkol sa paghingi sa mga tao na hangarin ang katotohanan at gawin ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo, pati na ang lahat ng iba pang realidad ng mga positibong bagay, hindi ito tinatanggap ng mga anticristo at binabalewala nila ito. Determinado nilang hinahangad ang kanilang sariling adhikain, ginagawa ang gusto nila ayon sa kanilang sariling mga motibasyon sa pagkilos, na parang walang iba pang tao ang mahalaga. Walang kahit isang pangungusap ng mga salita ng Diyos na nagpapaantig sa kanilang puso o nagpapabago sa kanilang pananaw sa buhay at sa kanilang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, higit pa rito ay wala kahit isang pangungusap, anumang sermon, o anumang pagbigkas mula sa Diyos ang nagdudulot na magkaroon sila ng pusong nagsisisi. Anuman ang inilalantad ng mga salita ng Diyos, anumang mga tiwaling disposisyon ng tao ang inilalantad ng mga ito, sinisiyasat lamang ng mga anticristo ang paraan ng pagsasalita ng Diyos, ang Kanyang tono, ang mga epekto na layong makamit ng mga salita ng Diyos sa mga tao, at iba pa—lahat ng bagay na walang kinalaman sa katotohanan. Kaya, habang lalo pang nakakaharap ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, lalong tumitindi ang kanilang panloob na pagnanais na maging diyos. Gaano katindi ang pagnanais na ito? Umaabot ito sa punto na binibigkas pa nila ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga panaginip, madalas na kinakausap ang kanilang sarili at nagsasanay na ipangaral ang mga salita ng Diyos gamit ang Kanyang paraan ng pagsasalita at tono. Sa kaibuturan ng kanilang puso, palagi nilang inuulit ang paraan ng pagsasalita at tono ng Diyos, na parang sinasapian sila. Gayon ang mga anticristo. Kahit gaano pa kapartikular, kataimtim, o katapat ang mga salita ng Diyos, kahit gaano pa kalaki ang tulong o inspirasyon na ibinibigay nito sa mga tao, nananatiling walang pakialam ang mga anticristo at binabalewala nila ang lahat ng ito. Hindi nila pinapahalagahan ang mga salitang ito ng Diyos. Nasaan ang kanilang puso? Nakatutok sila sa kung paano gayahin ang mga salita ng Diyos sa paraang iidolohin sila ng mga tao. Habang mas matindi ang kanilang pagnanais, mas lalo nilang inaasam na marinig ang tinig ng Diyos at magawang unawain ang layon, nais, at mga iniisip sa likod ng bawat pangungusap na sinabi ng Diyos—maging ang Kanyang pinakatatagong iniisip. Kapag mas matindi ang mga pagnanais at hangarin ng mga anticristo, lalo nilang gustong gayahin ang paraan ng pagsasalita ng Diyos at lalo nilang hinahangad na mabilis na baguhin ang kanilang sarili na maging lalo pang katulad ng diyos sa loob ng maikling panahon, nagtataglay ng paraan ng pagsasalita at tono ng diyos. Bukod dito, ginagamit pa nga ng ilan ang estilo at asal ng diyos sa kanilang mga kilos. Nasa gayong kondisyon ang mga anticristo, namumuhay araw-araw sa ilalim ng mga ideya, layunin, at motibong ito. Ano ang ginagawa nila? Pinipilit nila ang kanilang sarili araw-araw na tahakin ang landas ng pagiging diyos, pagiging cristo. Naniniwala silang marangal ang landas na ito, na isa itong maliwanag na daan. Kaya, sa mga pagtitipon o mga pagkikita man, paano man ibahagi ng iba ang kanilang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos at ang kanilang mga damdamin tungkol sa pagdanas sa mga salita ng Diyos, walang makakaantig sa kanila o makapagpapabago ng kanilang mga mithiin at hinihiling. Lumalakad sila sa landas patungo sa pagiging cristo, sa pagiging diyos, na parang sinasapian sila, na parang kinokontrol sila ng isang di-nakikitang entidad, na parang may suot silang di-nakikitang mga posas. Anong uri ng mentalidad ito? Hindi ba’t ubod ng sama ito? (Oo.)

Habang binabasa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, itinuturing nila ang bawat aspekto nito bilang sarili nilang pag-aari, itinuturing ang mga ito bilang mga kalakal na makapagbibigay sa kanila ng mas higit na pakinabang at ng mas maraming pera. Kapag nabebenta ang mga kalakal na ito, kapag ipinagyayabang nila ang mga bagay na ito, nakakamit nila ang mga pakinabang na nais nila. Habang lalo nila itong ginagawa, lalong nasisiyahan ang kalooban nila; habang lalo nila itong ginagawa, lalong lumalaki at tumitindi ang pagnanais nilang maging diyos. Anong klaseng saloobin, anong klaseng sitwasyon ito? Bakit napakatindi ng pagnanais ng mga anticristo na maging diyos? May nagturo ba sa kanila nito? Sino ang nag-udyok o nagtagubilin sa kanila? Hinihingi ba ito ng mga salita ng Diyos? (Hindi.) Ito ang landas na pinili ng mga anticristo mismo. Bagama’t wala silang tulong mula sa labas, ganadong-ganado sila—bakit nga ba? Tinutukoy ito ng kanilang kalikasang diwa. Walang pagod, walang pag-aalinlangan, at walang pagsisising tinatahak ng mga anticristo ang landas na ito nang walang tulong mula sa labas; kahit paano mo man sila kondenahin, wala itong silbi; paano mo man sila himayin, hindi nila ito tinatanggap o nauunawaan; para silang sinasapian. Tinutukoy ng kanilang kalikasan ang mga bagay na ito. Sa panlabas, tila hindi mapanlaban o mapanirang-puri ang pagtrato ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos. Mas nagsisikap sila—kaysa sa karaniwang tao. Kung hindi mo alam kung ano ang iniisip nila sa loob-loob nila o ang landas na kanilang sinusunod, kung gayon, batay sa mga panlabas na anyo, ang kanilang pagtrato sa mga salita ng Diyos ay tila puno ng pananabik—kahit papaano ay puwedeng gamitin ang salitang ito para ilarawan ito. Pero puwede bang makita ang diwa ng isang tao sa kanyang panlabas na anyo lamang? (Hindi.) Kaya, saan ito makikita? Kahit na mukhang sabik sila sa mga salita ng Diyos, madalas na binabasa at pinakikinggan ang mga ito, at kinakabisado pa nga ang mga ito, at kahit na hindi sila dapat maikategorya bilang mga anticristo batay sa mga panlabas na kilos na ito, pagdating sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos sa mga totoong sitwasyon, ginagawa ba nila ito? (Hindi.) Pagkatapos basahin at kabisaduhin ang mga salita ng Diyos, kapag nahaharap sila sa mga totoong sitwasyon, maaaring banggitin nila minsan ang isang sipi o bigkasin ang ilang pangungusap ng mga salita ng Diyos, nang tumpak pa nga kung minsan. Pero pagkatapos nilang sumipi ng mga salita ng Diyos, pagmasdan ninyo kung ano ang kanilang ginagawa, anong landas ang kanilang tinatahak, at ano ang mga nagiging desisyon nila sa harap ng mga sitwasyon. Kung may kinalaman ito sa kanilang katayuan o isang bagay na maaaring makasira sa kanilang reputasyon o imahe, siguradong hindi sila kikilos ayon sa mga salita ng Diyos. Pinoprotektahan nila ang kanilang sariling imahe at katayuan. Kung may ginawa silang mali, siguradong hindi nila ito aaminin. Sa halip, maghahanap sila ng lahat ng uri ng paraan para pagtakpan ito o iwasan ang isyu, hindi ito binabanggit at ipinapasa pa nga ang sisi sa iba para sa kanilang naging pagkakamali kaysa aminin ang kanilang sariling kasalanan. Pinagsisikapan nila ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at ang pagpoprotekta sa kanilang katayuan, pero pagdating sa pagsasantabi sa kanilang mga sariling interes at pagtitiis ng pisikal na hirap para isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, pagmasdan ninyo kung paano sila nagpapasya. Kung kikilos sila ayon sa mga prinsipyo, para protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kahit sino pa ang masaktan o sumama ang loob, gagawin ba nila ito? Hinding-hindi. Ang protektahan palagi ang kanilang sarili ang una nilang pipiliin. Kahit na alam nila kung sino ang may kasalanan o sino ang gumawa ng kasamaan, hindi nila ito ilalantad. Maaaring lihim pa nga silang magalak sa kanilang puso. Kung may isang tao na maglalantad sa masasamang tao, ipagtatanggol pa nila ang mga ito at gagawan ng mga dahilan. Malinaw na ang mga anticristo ay mga taong nagagalak sa kapahamakan ng iba. Anuman ang sitwasyon na kanilang kinakaharap, pagmasdan ninyo kung ano ang kanilang pinipili at kung anong landas ang kanilang tinatahak. Kung pipiliin nilang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ibig sabihin ay nagbunga na ang kanilang pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos. Kung hindi, paano man nila kainin at inumin ang mga salita ng Diyos o gaano man nila ito kabisaduhin, wala itong silbi—hindi pa rin nila itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan. Bukod pa rito, kilala ba ng mga anticristo ang kanilang sarili? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Pero kinikilala naman ng mga anticristo ang kanilang kayabangan at pagmamatuwid, sinasabing mga diyablo at mga Satanas sila.” Sinasabi lang nila ang mga ito, pero ano ang aktuwal nilang ginagawa kapag nahaharap sa isang totoong sitwasyon? Kung may isang tao na gumagawa kasama ang isang anticristo at nagsabi ng isang tamang bagay, isang bagay na ayon sa mga katotohanang prinsipyo na sumasalungat sa maling sinabi ng anticristo, at kung tumanggi ang taong iyon na sumunod sa sinasabi ng anticristo, mararamdaman ng anticristo na napinsala ang kanyang imahe at katayuan. Ano ang pipiliin niya kung gayon? Pipiliin ba niyang isantabi ang kanyang sarili para makinig sa ibang tao at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Hinding-hindi. Kaya, may silbi ba ang mga tamang salita na sinasabi niya? Sinasalamin ba nito ang kanyang realidad, ang kanyang tunay na tayog, ang kanyang mga desisyon, o ang landas na kanyang tinatahak? Hindi, hindi bunga ng kanyang karanasan ang mga salitang iyon; natutunan lamang nila ang mga salitang ito. Mga doktrina, mapanlinlang na salita lamang ang lumalabas sa kanilang bibig. Sa sandaling masangkot ang kanilang katayuan o pansariling interes, ang unang pinipili ng mga anticristo ay ang ingatan at protektahan palagi ang kanilang sarili, ang papurulin at ilihis ang iba, at iwasan ang anumang pananagutan o pag-amin ng anumang pagsalangsang. Kung isasaalang-alang ang mga diwang ito ng mga anticristo, hinahangad ba nila ang katotohanan? Binabasa ba nila ang mga salita ng Diyos para maunawaan ang katotohanan at maabot ang punto kung saan maisasagawa nila ang katotohanan? Hindi. Batay sa mga layunin at mithiin ng mga anticristo sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi nila kailanman makakamit ang pagkaunawa sa mga ito. Dahil hindi nila binabasa ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan na dapat maarok, kundi bilang isang kasangkapan para makamit ang mga mithiin nila. Bagaman hindi tuwirang sinasabi ng mga anticristo, “Gusto kong maging diyos, gusto kong maging cristo,” malinaw ang kanilang mithiin na maging cristo mula sa diwa ng kanilang mga kilos at diwa ng kanilang pagtrato sa mga salita ng Diyos. Paano ito mamamasdan? Ginagamit nila ang mga salita ng Diyos at ang nakikita nilang ibinubunyag ng Diyos, tulad ng Kanyang mga pag-aari at pagiging Diyos at iba pa, para ilihis ang mga tao, para ilihis ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan, ang mga mangmang, ang mga may mababang tayog, ang mga hindi naghahangad sa katotohanan, mga hindi mananampalataya, at maging ang ilang masamang tao. Pinapaniwala nila ang mga taong ito na taglay nila ang katotohanan, na mga tamang tao sila, at na karapat-dapat silang hangaan at asahan. Nilalayon ng mga anticristo na asahan sila at maghanap sa kanila ang mga taong ito, at kapag nangyayari ito, nasisiyahan ang kalooban nila.

Hindi kailanman inaamin ng mga anticristo na natatangi ang Diyos; hindi nila kailanman inaamin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, ni hindi rin nila kailanman inaamin na ang Diyos lamang ang makakapagpahayag ng katotohanan. Batay sa kanilang saloobin sa mga salita ng Diyos, sa kanilang pagsisikap sa mga salita ng Diyos, at sa kanilang pagnanais na maging diyos, na maging cristo, naniniwala ang mga anticristo na madali para sa isang tao na maging diyos, na isang bagay ito na maaaring makamit ng mga tao. Sinasabi nila, “Tinatawag na cristo ang diyos na nagkatawang-tao dahil lamang nakakapagsalita siya ng kaunting salita ng diyos, hindi ba? Hindi ba’t tagapagsalita lamang siya ng mga salita ng Diyos? Hindi ba’t tungkol lamang ito sa pagkakaroon ng maraming tao na sumusunod sa kanya? Kaya, kung may gayon ding katayuan at reputasyon sa mga tao ang isang tao, kung iniidolo at tinitingala rin sila ng gayon kadaming tao, hindi ba’t puwede rin nilang tamasahin ang pagtrato bilang cristo, ang pagtrato bilang diyos? Para matamasa ang pagtrato bilang cristo, para matamasa ang pagtrato bilang mayroong pagkakakilanlan at diwa ng diyos, hindi ba’t ginagawa nitong diyos ang isang tao? Ano ang napakahirap doon?” Kaya, likas ang pagnanais ng mga anticristo na maging diyos; pareho silang may ambisyon at diwa ni Satanas. Dahil nga mga anticristo sila at nagtataglay ng diwa ng mga anticristo kaya ipinapakita nila ang mga reaksyong ito sa mga salita ng Diyos. Para sa mga anticristo, ang nagpapasaya sa kanila ay na ang Diyos ay nagkatawang-tao; puwedeng marinig ng mga tao ang Kanyang mga salita, at kasabay nito, puwede Siyang makita ng mga tao. Isa Siyang ordinaryong tao na puwedeng mahawakan at makita, at dahil nga nakapagsasalita nang napakarami ang ordinaryo, di-mahalaga, at di-kapansin-pansing taong ito at natatawag na Diyos, kaya nakikita ng mga anticristo na dumating na sa wakas ang kanilang pagkakataon na maging diyos. Kung hindi nagsalita ang ordinaryong taong ito, iisipin ng mga anticristo na napakaliit ng kanilang pag-asa na maging diyos o cristo. Pero dahil nga nagsalita ng mga salita ng Diyos at gumawa ng gawain ng Diyos ang ordinaryong taong ito, kumakatawan sa Diyos upang iligtas ang mga tao, nakikita ito ng mga anticristo bilang kanilang pagkakataon, bilang isang pagkakataon na dapat samantalahin, na nagbibigay sa kanila ng higit pang palatandaan para gayahin ang pagsasalita ng Diyos, ang Kanyang tono at paraan ng pagsasalita, at maging ang Kanyang disposisyon, unti-unting ginagawang mas katulad sila ng diyos, mas katulad ni cristo. Kaya, sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo, nararamdaman nila na lalo silang nagiging katulad ng diyos, na lalo nilang nagiging kahawig ang diyos. Labis silang naiinggit sa isang Diyos na nirerespeto, sinusundan, at inaasahan sa lahat ng bagay, isang Diyos na hinahanap at tinitingala ng mga tao sa lahat ng bagay. Kinaiinggitan nila ang pagkakakilanlan at personal na halaga ni Cristo. Ano ang iniisip ng mga anticristo sa kanilang puso? Hindi ba’t madilim at buktot ang kaibuturan ng kanilang puso? Hindi ba’t kamuhi-muhi, marumi, at kahiya-hiya ang kaibuturan ng kanilang puso? (Oo.) Talagang kasuklam-suklam sila!

Sinasabi ng ilang tao, “Nakinig kami sa Iyong pagsasalita tungkol sa mga anticristo, pero bakit hindi pa kami nakakakita ng gayong tao? Kuwento-kuwento lang ba ang sinasabi Mo? Tinatalakay Mo ba ang mga bagay na malayo sa katotohanan?” Sa palagay ba ninyo ay may mga gayong tao? (Oo.) Ilan na ang inyong nakilala? Isa ba kayo sa kanila? (Ipinapakita rin namin ang mga kalagayang ito at ibinubunyag ang mga gayong aspekto. Hindi kasinglala ng sa mga anticristo ang mga ito, pero pareho ang kalikasang diwa.) Sa palagay ninyo, mapanganib ba ang pagkakaroon ng mga ganitong kalagayan? (Oo.) Kung alam ninyo na mapanganib ito, kailangan ninyong magbago. Madali bang magbago? Sa totoo lang, maaaring maging madali at mahirap ito. Kung tatanggapin mo ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan na dapat sundin, gaya lamang ng sinabi ng Panginoong Jesus, “Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi,’” kung gayon ay talagang makakapagsisi kayo. Halimbawa, sinasabi ng Diyos na ipatupad mo ang isang bagay, sinasabi Niya, “Pagkatapos mong kumain, dilaan mo ang mangkok hanggang sa magmukha itong nahugasan. Ito ay para makatipid sa pagkain at maging malinis.” Simple ba ang mga tagubiling ito? Madali bang ipatupad ang mga ito? (Oo.) Kung gumawa ang Diyos ng ganitong kahilingan, ng ilang pangungusap lamang na ito, nang hindi tinatalakay ang mga suliranin ng mga tao o ang kanilang mga kalagayan, o tinatalakay ang mga tiwaling disposisyon, at hindi pinag-iiba ang iba’t ibang sitwasyon, paano mo ipatutupad at isasagawa ang isang bagay na ito? Para sa iyo, mga salita ng Diyos ang mga pangungusap na ito, ang mga ito ang katotohanan, at isang bagay ito na dapat mong sundin. Ang dapat mong gawin ay sundin ang hinihingi ng Diyos araw-araw, sa tuwing pagkatapos kumain—kung gayon ay sinusunod mo ang daan ng Diyos, itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, bilang dapat mong sundin. Nagiging isang tao kang nagsasagawa ng mga salita ng Diyos, at sa pinakasimpleng bagay na ito, naiwaksi mo na ang disposisyon ng isang anticristo. O kaya naman, pagkatapos mong marinig ang mga salitang ito, maaaring sumang-ayon ka at matandaan mo ang mga ito, pero pagkatapos mong kumain, kapag nakakita ka ng ilang butil ng bigas sa mangkok, iniisip mo, “Abala ako sa ibang bagay!” at iiwan na lamang ang mangkok nang ganoon. At sa susunod na pagkain, ganoon ulit ang gagawin mo. Tinatandaan mo ang mga tagubiling ito mula sa Diyos, pero walang eksaktong araw kung kailan mo talaga isasagawa ang mga ito. Sa paglipas ng panahon, nakalimutan mo ang mga salitang ito. Kaya bukod sa hindi mo naisagawa ang mga ito, binalewala mo rin ang mga salita ng Diyos. Nagiging anong klaseng tao ka dahil dito? Kung hindi mo ipapatupad ang mga salitang ito, isa ka bang taong makakasunod sa daan ng Diyos kapag narinig mo ang Kanyang mga salita? Isa ka bang taong naghahangad sa katotohanan? Malinaw na hindi. Kung hindi naghahangad sa katotohanan ang isang tao, puwede ba siyang ituring na isang anticristo? Katumbas na ba ng pagiging isang anticristo ang hindi pagsasagawa ng katotohanan? (Hindi.) Itinuturing ng ganitong klaseng tao ang mga salita ng Diyos na parang hangin na dumaan lamang sa kanilang mga tainga, bilang isang bagay na hindi mahalaga, hindi niya isinasagawa ang mga ito, at hindi ito masyadong pinag-iisipan—basta na lamang niyang nakakalimutan ang mga ito. Hindi ito isang anticristo. May isa pang uri ng tao na, pagkatapos marinig ang mga tagubiling ito mula sa Diyos, iniisip niya: “Dilaan ang mangkok pagkatapos kumain? Nakakahiya! Hindi ako pulubi, at saka, hindi naman parang wala nang pagkain. Hindi ko talaga gagawin iyon! Bahala na ang mga handang dilaan ang kanilang mga mangkok.” Kapag may nagsabi, “Ito ang hinihingi ng Diyos,” iniisip nila, “Kahit hinihingi ito ng diyos, hindi ito katanggap-tanggap. Hindi dapat humingi ng mga gayong bagay ang diyos. Hindi ang katotohanan ang mga salitang ito! Nagsasabi rin ang Diyos ng mga bagay na hindi kapansin-pansin, walang lohika, at hindi masyadong dakila. Hindi lahat ng kahilingan ng Diyos sa mga tao ay talagang ang katotohanan. Para sa akin, parang hindi naman ang katotohanan ang partikular na kahilingang ito. Sinabi ng panginoong Jesus, ‘Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit, ay siyang Aking kapatid na lalaki at Aking kapatid na babae, at ina.’ Katotohanan ang mga ganitong salita! Pagiging malinis ba ang pagdila sa mangkok? Sapat na ang hugasan na lang ito nang diretso. Bakit kailangang padilaan sa amin ang mga mangkok? Hindi tumutugma ang kahilingang ito sa aking mga kuru-kuro o imahinasyon; hindi ito katanggap-tanggap saanman. Papadilaan sa akin ang mangkok—hindi mangyayari iyan! Ganyan ba ang kahulugan ng kalinisan? Hinuhugasan ko ang mangkok ko gamit ang tubig, gamit ang pang-disempekta—iyan ang kalinisan para sa akin!” Pagkatapos marinig ang mga salitang ito, may sariling mga isipin at panloob na pagtutol ang ganitong uri ng tao; nanunuya pa nga sila at naninirang-puri. Dahil galing sa Diyos ang mga salitang ito, hindi sila naglalakas-loob na husgahan ang mga ito nang lantaran, pero hindi ibig sabihin nito na wala silang mga opinyon o mga kuru-kuro tungkol dito. Saan napapamalas ang kanilang mga opinyon at kuru-kuro? Hindi nila tinatanggap o isinasagawa ang mga salitang ito; mayroon silang sariling mga kaisipan tungkol dito, at kaya nilang husgahan ito at bumuo ng mga kuru-kuro tungkol dito. Kaya, kapag natapos na silang kumain at nakita nilang may ilang tao na dinidilaan ang kanilang mangkok, hindi nila ito ginagawa, nagkikimkim pa nga sila ng pagkamuhi sa kanilang puso para sa mga nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Ang kanilang panlabas na anyo ay kadalasang nagbubunyag ng panunuya at panghahamak, at maging ng saloobin ng pagnanais na itama ang pag-uugali ng iba. Hindi lamang sila hindi kumikilos ayon sa sinasabi ng Diyos, kundi kumikilos pa sila nang taliwas dito, kumikilos nang salungat sa sinasabi ng Diyos. Ginagamit nila ang kanilang mga kilos upang itatwa ang mga kahilingan ng Diyos, para labanan ang sinabi ng Diyos, at nagsusumikap din silang makakuha ng mas maraming pansin sa pamamagitan ng kanilang mga kilos, kinukumbinsi ang mas maraming tao na hindi tama ang sinasabi ng Diyos, at na ang paraan lamang nila ang tama, inaakay ang mas maraming tao na labanan at kondenahin ang mga salita ng Diyos. Sadyang hindi sila kumikilos ayon sa tagubilin ng Diyos; tuwing pagkatapos kumain, hindi lamang nila hinuhugasan ng tubig ang kanilang mangkok kundi hinuhugasan pa ito nang paulit-ulit gamit ang pang-disempekta at sabon, at pagkatapos ay iniisterelisa pa ito sa disinfection cabinet. Habang ginagawa nila ito, hindi rin sinasadya na nakakapagsabi sila ng ilang pahayag, sinasabi sa lahat, “Sa totoo lang, hindi nakakapatay ng mga mikrobyo ang pagdila, at maging ang paghuhugas gamit ang tubig. Tanging sa paggamit ng pang-disempekta, kasama ang mataas na temperatura, ito puwedeng ma-esterelisa. Iyon ang pagiging malinis.” Bukod sa tinatanggihan nila ang sinasabi ng Diyos o hindi sila nagsasagawa ayon sa tagubilin ng Diyos, ginagamit din nila ang kanilang sariling mga salita at gawa para labanan, kondenahin, at husgahan ang hinihingi ng Diyos. Ang mas matindi pa, ginagamit nila ang ilang opinyon na sa tingin nila ay tama para himukin at ilihis ang mas maraming tao na sumama sa kanila sa pagkondena, paglaban, at paghusga sa mga hinihingi ng Diyos. Anong papel ang ginagampanan nila rito? Hindi ito upang akayin ang mas maraming tao na makinig sa mga salita ng Diyos at magpasakop nang walang kondisyon sa Diyos, ni upang lutasin ang mga kuru-kuro ng mga tao kapag lumitaw ang mga ito, ni upang lutasin ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga tao at ng Diyos o ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao kapag lumitaw ang mga gayong kontradiksyon. Sa halip, hinihikayat at nililihis nila ang mas maraming tao para husgahan ang Diyos, hinihikayat ang mga ito na sumali sa pagsusuri at pagsisiyasat sa katumpakan ng mga salita ng Diyos. Sa panlabas, para silang tagapagtanggol ng hustisya, tila tama ang ginagawa nila. Pero nararapat ba ang tamang asal na ito sa isang taong sumusunod sa Diyos? Ito ba ang pagpapahalaga ng tao sa hustisya? (Hindi.) Kung ganoon, ano ba mismo ang diwa ng ganitong uri ng tao sa likod ng kanilang pag-uugali? (May diwa sila ng mga anticristo, ng mga diyablo.) Bukod sa nabibigo ang mga indibidwal na ito na ituring ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, ang mas kahiya-hiya ay kaya nilang magbalatkayo bilang mga espirituwal na tao, madalas na ginagamit ang mga salita ng Diyos para tagubilinan ang iba, sa gayon ay pinapaganda ang kanilang sarili at nakakakuha ng paghanga. Sila mismo ay hindi isinasagawa ang mga salita ng Diyos, ni itinuturing ang mga ito bilang ang katotohanan na dapat danasin at ipatupad. Pero, madalas nilang sinasabi sa iba nang mahigpit at seryoso: “Sinabi ng diyos, pagkatapos kumain, dilaan ang iyong mangkok para malinis ito; mabuting gawi ito at matipid sa pagkain.” Sa bawat salita at pangungusap, itinatanghal nila na ito ay “Sinabi ng diyos,” “Ito ay salita ng diyos,” o “Ito ang katotohanan,” perosila mismo ay hindi tinatanggap o isinasagawa ito. Bukod dito, gumagawa sila ng iba’t ibang paghusga at nakalilinlang na interpretasyon ng mga salita ng Diyos. Ito ang ginagawa ng mga anticristo.

Yamang kakatapos lang nating suriin ang mga pagpapamalas ng tatlong uri ng mga tao, alin ang pinakamalubha? (Ang panghuling uri.) Hindi isinasagawa ng ganitong uri ng tao ang mga salita ng Diyos at punung-puno ito ng iba’t ibang pagtutol at panghuhusga laban sa mga salita ng Diyos. Bukod dito, ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para linlangin ang iba at makamit ang kanila mismong mga mithiin. Mga anticristo ang mga gayong tao. Anuman ang aspekto ng mga salita ng Diyos, kahit na naaayon sa kanilang mga kuru-kuro ang mga salitang ito, hindi nila itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan; lalo na sa mga salita ng Diyos na ganap na sumasalungat sa mga kuru-kuro, tradisyonal na kultura, at pilosopiya ng tao—mas mababa pa ang pagpapahalaga ng mga anticristo sa mga salitang ito. Bakit nila ipinangangaral ang mga salita ng Diyos kung hindi nila itinuturing na mahalaga ang mga ito? Gusto nilang gamitin ang mga salita ng Diyos para tuparin ang kanilang mga layon. Ang panghuling uri ang pinakamapanganib sa tatlong uri ng tao. Paano naman ang unang uri? (Nakikinig sila sa mga salita ng Diyos at isinasagawa ang mga ito.) Sa tingin ba ninyo ay walang isip ang mga nakikinig sa mga salita ng Diyos at ang mga nagsasagawa ng mga ito? Sa panlabas, tila kahangalan ba ang sumunod nang mahigpit sa anumang sabihin at ipagawa ng Diyos sa mga tao? (Hindi.) Ang mga nagsasagawa ng mga salita ng Diyos ang pinakamatatalino. Ang pangalawang uri ng tao ay nakatuon sa pagkilos; hindi niya isinasagawa ang katotohanan kundi kumikilos lamang ayon sa sarili niyang kalooban at gumagampan ng ilang trabaho. Hindi niya binibigyang pansin ang kahulugan o mga hinihingi at pamantayan ng mga salita ng Diyos. Hindi niya nauunawaan ang mga layunin ng Diyos o ang Kanyang panloob na tinig, at nakatuon lamang siya sa paggawa. Iniisip niya “Alam ko na ninanais Mo ang ikabubuti namin. Tama ang lahat ng sinasabi Mo. Dapat kaming magpasakop sa sinasabi Mo at isagawa ang mga ito; tumuon Ka lang sa pagsasalita, at makikinig kaming lahat.” Ngunit sa realidad, hindi niya sineseryoso ang sinasabi ng Diyos o ang mga detalyadong hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kumikilos lang siya nang hindi nag-iisip. Ang pagkilos nang hindi nag-iisip ay nagdudulot minsan ng pagkilos nang walang habas at walang ingat, ng mga pagkagambala at kaguluhan; puwede itong humantong sa paglaban sa Diyos. Nagdudulot minsan ng malalaking problema ang matinding paglaban sa Diyos, at maaari naman itong magdulot ng pagkawasak. Ito ang pinakamalubhang kahihinatnan ng mga hindi naghahangad sa katotohanan, at puwedeng umabot sa puntong ito ang ilang tao. Ang ikatlong uri ng tao, ang mga anticristo, ay matitibay na tagasunod ni Satanas. Hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan, anuman ang mangyari. Kahit tama ang sinasabi mo, hindi sila makikinig, lalo na kapag mayroon silang sariling mga kuru-kuro. Matitinding kaaway sila ng Diyos, matitinding kaaway ng katotohanan. Sa panlabas, ang pinakamapanlinlang at tuso ay tila ang mga taong ito. Kinikilatis at sinisiyasat nila ang ang lahat ng bagay, pinagmumuni-munihan at sinisikap na maunawaan ang lahat ng bagay. Gayumpaman, pagkatapos ng napakaraming pagsisiyasat, nauuwi sila sa pagsusuri sa Diyos mismo, nagkakaroon ng mga kuru-kuro at opinyon tungkol sa Kanya. Anuman ang gawin ng Diyos, kung hindi ito pumasa sa kanilang sariling paghatol, kinokondena nila ito nang walang alinlangan; tumatanggi silang isagawa ito, natatakot na baka mapinsala sila nito. Sa kabilang banda, ang mga tila hangal sa panlabas, na parang walang talino, ay ginagawa ang mismong sinabi ng Diyos. Mukha silang napakasimple at tapat, hayagang ibinabahagi kahit ang mga bagay na hindi na dapat pang ibahagi, inuulat kahit ang mga bagay na hindi na dapat pang iulat, minsan ay nagpapakita pa ng medyo inosenteng pag-uugali. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ipinapakita nito na bukas ang puso ng mga gayong tao sa Diyos, hindi sarado o walang hadlang sa Kanya. Sa pagtalakay ng simpleng halimbawang ito, ang layon ay tulungan kayong maunawaan kung ano talaga ang isang anticristo at kung ano talaga ang saloobin nito sa mga salita ng Diyos. Ito ay para matulungan kayong makilatis kung anong uri ng mga tao ang mga anticristo at kung anong uri ang hindi nagsasagawa sa katotohanan pero hindi naman anticristo. Ito ay para magkaroon ng ganitong uri ng pagkilatis. Kaswal Ko lang na binanggit ang halimbawang ito para mas madali ninyong maunawaan ang paksa ng ating pagbabahaginan ngayon. Hindi Ko naman sinasabi na talagang kailangang dilaan ninyo ang inyong mangkok pagkatapos kumain. Hindi Ko rin tinukoy na katumbas ng kalinisan o hindi pagsasayang ng pagkain ang pagdila sa mangkok. Hindi ninyo kailangang gawin ito; hindi kayo dapat magkamali ng pagkaunawa.

Ngayon, napagbahaginan ang isang karagdagang aytem tungkol sa kung paano kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos: Itinuturing ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang kalakal. Pagdating sa mga kalakal, kasama rito ang pagbebenta, pangangalakal, kita, at pera. Ang pagtrato ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos bilang isang kalakal ay isang bagay na hindi dapat kailanman gawin, lubos itong makasalanan. Bakit? Nang magsimula pa lang tayo sa pagtitipon, ibinahagi ng bawat isa ang kanilang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan sa kanilang sariling lengguwahe, nagbubuod gamit ang pinakamadadaling termino. Sa kabuuan, ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Para sa sangkatauhan, napakahalaga ng katotohanan. Puwedeng maging buhay ng tao ang katotohanan, kaya nitong iligtas ang mga tao at ibalik sila mula sa kamatayan, at bigyang-kakayahan ang tao na maging isang karapat-dapat na nilikha. Ang halaga ng katotohanan sa sangkatauhan ay hindi kayang masukat sa mga salita, materyal na bagay, o pera. Nararapat itong pahalagahan at ingatan, at nararapat na maging gabay, direksyon, at mithiin para sa mga kilos, asal, buhay, at buong pag-iral ng isang tao. Dapat makamit ng mga tao ang landas ng pagsasagawa mula sa katotohanan, pati na rin ang landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, bukod sa iba pa. Dapat ituring ng mga tao na katumbas ng kanilang buhay ang katotohanan. Walang materyal na bagay o pera ang maihahambing sa katotohanan. Sa materyal na mundong ito, o sa buong sansinukob, walang anumang bagay na karapat-dapat na ikumpara sa katotohanan, ni wala ring anumang bagay na maaaring itumbas dito. Mula rito, malinaw na para sa sangkatauhan na nangangailangan ng kaligtasan, ang katotohanan ay isang napakahalagang yaman, at wala itong katumbas na halaga. Gayumpaman, nakakapagtaka, na may mga indibidwal na itinuturing ang isang bagay na walang katumbas na halaga bilang isang kalakal na ibinebenta at ipinagpapalit para sa kita. Puwede bang ituring na mga diyablo, mga Satanas ang mga gayong indibidwal? Oo naman! Sa espirituwal na mundo, mga demonyo at si Satanas ang mga gayong indibidwal; sa mga tao, mga anticristo sila.

Kakatapos lang natin pagbahaginan ang ilan sa mga pagpapamalas kung paano itinuturing ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang mga kalakal na ipinagbibili para sa mga personal na pakinabang. Siyempre, sinasabi ito sa isang partikular na kahulugan at hindi ganap na tumutugma sa literal na kahulugan—hindi agad na makikita na itinuturing nila ang mga salita ng Diyos bilang mga kalakal na ipinagbibili. Gayumpaman, sa katunayan, batay sa kanilang pag-uugali, pamamaraan, at maging sa kanilang diwa, kanila nang itinuturing o tiyak na itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang mga kalakal, bilang isang materyal na bagay na aariin. Kapag nasa kanilang pag-aari na, itinuturing nila ang mga salita ng Diyos bilang isang aytem sa kanilang maliit na tindahan, ibinebenta ito sa tamang pagkakataon sa sinumang nangangailangan nito at nakikinabang mula rito. Anong mga pakinabang ang nakakamit ng mga anticristo mula rito? Kasama rito ang kanilang reputasyon, ang mataas na pagtingin at pag-iidolo ng iba, mga tingin ng paghanga sa kanila, at ang proteksyon na ibinibigay ng iba—proteksyon sa kanilang katayuan at imahe. Kahit kapag tinanggal at itiniwalag sila, may mga taong magsasalita para sa kanila at magtatanggol sa kanila. Ito ang mga pakinabang na nakukuha ng mga anticristo mula sa mga salita ng Diyos. Ang mga pakinabang na ito ang mismong ninanais at hinahangad ng mga anticristo, ang matagal na nilang pinagplanuhan sa kanilang puso. Ito ang diwa ng mga anticristo. Inuudyukan at pinangungunahan ng kanilang kalikasan ang kanilang mga kilos at pag-uugali, at mula sa mga pagpapamalas na ito, makikita ang kalikasang diwa ng mga anticristo.

2. Pagbebenta ng mga Aklat ng mga Salita ng Diyos para sa Personal na Pakinabang

Susunod, pagbabahaginan natin ang pangalawang aspekto, ito ay ang aktuwal na pag-uugali at pamamaraan ng mga anticristo sa pagtrato sa mga salita ng Diyos bilang mga kalakal. Ang pamamaraang ito ay kinabibilangan ng ganitong uri ng anticristo na tinatrato ang iba’t ibang uri ng mga aklat ng mga salita ng Diyos bilang mga kalakal. Kapag nakuha nila ang mga aklat na ito ng mga salita ng Diyos, naniniwala silang nakuha na nila ang puhunan para kumita ng pera, na mayroon na silang mga ari-ariang kailangan para gawin ito. Ang mga aklat na ito, kung saan nakaimprenta ang mga salita ng Diyos, ay nagiging mga ari-arian nila, mga kalakal na balak nilang ibenta, at ang mga bagay na ginagamit nila para kumita ng labis-labis na tubo. Ipinagkakait ng mga anticristo ang mga aklat na ito, hindi ipinamamahagi ang mga ito ayon sa prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos kundi hinahangad nilang kumita ng tubo sa hindi tamang paraan batay sa kanila mismong mga layunin. Ano ang prinsipyo ng pamamahagi ng mga aklat sa sambahayan ng Diyos? Ito ay para ipamahagi ang mga ito sa lahat ng mahilig magbasa ng mga salita ng Diyos at sa mga nauuhaw sa katotohanan, at gawin ito nang libre. Gaano man karaming tao ang tumatanggap ng mga ito o gaano man karaming aklat ang ipinamahagi, palaging walang bayad ito. Kapag nananampalataya sa Diyos sa Kristiyanismo, hindi libre ang Bibliya; kailangan itong bilhin. Pero ngayon, libreng ipinamahagi ng sambahayan ng Diyos ang mga salitang ito ng Diyos at ang mga aklat na ito, na isang mahalagang punto. Gayumpaman, lumilitaw ang problema kapag nakakakuha ng mga aklat na ito ang mga anticristo at hindi libreng ipinamamahagi ang mga ito, nang ayon sa prinsipyo. Sa ilalim ng mga normal na sitwasyon, ipinamamahagi ng mga may kaunting may-takot-sa-Diyos na puso ang mga aklat na ito nang libre ayon sa prinsipyo, nang hindi naniningil o naghahangad na makapagtamo ng labis-labis na tubo sa hindi tamang paraan. Gayumpaman, ang mga anticristo lamang ang nag-iisip na dumating na ang pagkakataon para makapagnegosyo kapag nakakuha sila ng mga aklat na ito. Kaya lumilitaw ang ambisyon at kasakiman nila: “Ang pamimigay ng gayon kakakapal at kagagandang aklat nang libre—hindi ba’t pagkalugi naman iyon? Hindi ba’t kahangalan ang hindi ito pagkakitaan? Bukod dito, hindi mabibili sa ibang lugar ang mga aklat na ito, at nanaisin itong basahin ng karamihan sa mga nananampalataya sa diyos, anuman ang halaga nito.” Kapag naintindihan nilang ganito ang mentalidad ng mga tao, nagsisimulang makabuo ng mga partikular na kaisipan ang mga anticristo: “Hindi ko puwedeng palampasin ang pagkakataong ito na kumita; bihira ang mga ganitong pagkakataon. Sa pamamahagi ng mga aklat, dapat kong hati-hatiin ang mga tao ayon sa mga antas, sisingilin ko nang mas malaki ang mayayaman, katamtamang presyo sa mga karaniwang tao, mas mababang presyo sa mahihirap o hindi talaga ako mamamahagi sa kanila, magbibigay ako ng diskwento sa mga pumupuri sa akin, at maniningil ako nang mas malaki sa mga hindi ko kasundo.” Naaayon ba ito sa mga patakaran ng sambahayan ng Diyos para sa pamamahagi ng mga aklat? (Hindi.) Pagnenegosyo ito. Nakakabuo ng mga ganitong uri ng ideya ang mga anticristo; isinasantabi kung ipinamamahagi ba nila ang mga aklat ayon sa mga regulasyon at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, pag-usapan muna natin kung paano nila tinatrato ang mga salita ng Diyos. Kapag nasa mga kamay na nila ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, pinapahalagahan ba nila ang mga ito? (Hindi.) Hindi sila interesado sa paraan ng pamumuhay o sa katotohanang sinasabi sa mga salita ng Diyos; hindi nila pinapahalagahan ang mga ito at hindi nga sila nag-uusisa tungkol dito kahit kaunti. Paimbabaw lang nilang binabasa nang pahapyaw ang mga aklat, kaswal na binubuklat at sinusulyapan ang mga pahina: “Tinatalakay lang nito ang tungkol sa kung paano ginagawa ng diyos ang gawain ng paghatol sa mga tao, kung paano niya nalupig ang isang grupo ng mga tao, at kung paano niya binibigyan ang mga tao ng magandang destinasyon. Walang mga detalye roon tungkol sa hinaharap ng sangkatauhan, kaya hindi masyadong interesante ang aklat na ito. Bagaman hindi masyadong interesante ang aklat, maraming tao ang gustong magbasa nito. Maganda ito; maaari ko itong pagkakitaan.” Kapag napasakamay nila ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, nagiging mga kalakal ang mga ito, na nangangahulugang maraming tao, ilang tao kahit papaano, ang kailangang gumastos ng pera para bilhin ang mga aklat na ito. Nanghihimasok ang mga anticristo at ginagawa nilang isang transaksyon ang libreng pamamahagi ng mga aklat na ito ng sambahayan ng Diyos, ibinebenta ang mga ito sa ilalim ng pagbabalatkayo ng pananampalataya sa Diyos, paggawa ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at pagiging responsable sa pamamahagi ng mga aklat ng mga salita ng Diyos. Para sa Diyos, walang bayad na itinutustos ang mga binigkas Niyang salita sa lahat ng nakikinig nang mabuti sa Kanyang mga salita; libre ang mga ito, walang hinihinging anumang kapalit. Ang hinihingi lamang sa mga tao ay tumanggap, magsagawa, at dumanas, para makamit ang pagpapasakop sa mga salita ng Diyos, at para maging isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Pagkatapos ay nasiyahan ang Diyos, nakamit ang Kanyang mithiin, at hindi binigkas nang walang saysay ang Kanyang mga salita. Gumiginhawa ang Kanyang pakiramdam dahil dito. Ito ang hangarin ng Diyos at ang layunin din ng Kanyang anim na libong taong gawain ng pamamahala na isinakatuparan sa tao, ang pinakamagandang pagnanais ng Lumikha para sa mga nilikha. Itinutustos ng Diyos ang Kanyang mga salita, kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya, at kung ano ang Kanyang mga layunin nang walang bayad at tuluy-tuloy sa mga sumusunod sa Kanya. Isa itong napakalinis, banal na gawain, isang napakagandang gawa; walang transaksyon na sangkot dito. Para sa bawat taong nakikinig nang mabuti at nananabik sa mga salita ng Diyos, walang katumbas na halaga ang bawat pangungusap na sinasabi ng Diyos. Libreng tinatanggap ng mga tao mula sa Diyos ang katotohanan at ang Kanyang mga salita, at sa kaibuturan ng kanilang puso, ang gusto nilang gawin para sa Diyos ay suklian Siya, matugunan ang Kanyang mga layunin, payapain Siya, at tulungang mapabilis tapusin ang Kanyang dakilang gawain. Ito ang tahimik na pagkakaintindihan na dapat umiiral sa pagitan ng Lumikha at ng nilikhang sangkatauhan. Gayumpaman, ginagawang isang transaksyon ng mga anticristo ang bagay na ito. Sinasamantala nila ang pagkakataon ng pagsasalita at paggawa ng Diyos, pati na rin ang pangangailangan ng mga tao sa pagtutustos ng mga salita ng Diyos, para maghangad ng personal na kapakinabangan at makakuha ng pera at mga benepisyong hindi nila dapat makuha. Hindi ba’t karapat-dapat sumpain ang isang tao dahil sa gayong pag-uugali? Sa alin sa mga pahayag ng Diyos mo nakita o narinig na nagsasalita ang Diyos sa sangkatauhan nang may kapalit na kabayaran? Magkano para sa isang pangungusap, magkano para sa isang sipi, para sa isang sermon, para sa isang aklat, o para sa isang pagkakataon ng pagpupungos, o paghatol at pagkastigo, o pagpipino, o pagtutustos ng buhay? Sinabi ba kailanman ng Diyos ang gayong mga salita? (Hindi.) Hindi kailanman sinabi ng Diyos ang mga gayong bagay. Ang bawat pangungusap, sipi, at bahaging sinambit ng Diyos, ang bawat pagkakataon ng pagpupungos, pagkakastigo at paghatol, at pagsubok at pagpipino na tinatanggap ng mga tao mula sa Diyos, pati na rin ang pagtutustos at pagbibigay-lakas ng mga salita ng Diyos, at iba pa—sa lahat ng ito, alin sa mga ito ang masusukat sa pera? Alin sa mga ito ang puwedeng makuha ng mga tao kapalit ng pera o mga materyal na bagay, o sa pamamagitan ng pagbabayad ng makamundong halaga? Wala sa mga ito. Walang katumbas na halaga ang lahat ng ginagawa ng Diyos, lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos. Dahil mismo walang katumbas na halaga ang mga ito, dahil walang anumang pera o materyal na bagay na puwedeng ipagpalit ng mga tao para sa mga pag-aari ng Diyos at Kanyang pagiging Diyos, sinasabi ng Diyos na itinutustos Niya ang Kanyang mga salita sa mga tao nang walang bayad. Gayumpaman, hindi nakikita ng mga anticristo ang walang katumbas na halaga at napakahalagang kalikasan ng mga katotohanan at kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano Siya na Kanyang ipinapahayag; sa halip, hinahangad nilang makuha nang di-wasto ang labis na tubo mula sa mga ito, na labis na kahiya-hiya!

Ipinagkakait ng ilang anticristo ang mga salita ng Diyos, hindi ipinamamahagi ang mga ito sa mga kapatid sa ilalim nila para pahirapan ang mga tao, para itaguyod ang kanilang sariling reputasyon at prestihiyo, at para ipadama sa iba na nakakatakot at makapangyarihan sila. Kaya, sa ilang iglesia kung saan ang mga gayong masasamang tao at anticristo ang may kapangyarihan, walang nababasang mga salita ng Diyos o napapakinggang mga sermon ng Diyos ang mga kapatid. Hindi ba’t kasumpa-sumpa ang mga gayong tao? Ano ang turing nila sa mga salita ng Diyos? Bilang kanilang personal na pag-aari. Ibinibigay ng Diyos ang Kanyang mga salita sa mga tunay na nananampalataya at sumusunod sa Diyos; hindi ito ibinibigay sa iisang indibidwal lamang, at siguradong hindi ito personal na pag-aari ng sinuman. Binibigkas sa lahat ng sangkatauhan ang mga salita ng Diyos, at walang sinuman ang puwedeng pumigil sa pagsasalita ng Diyos para sa anumang dahilan o palusot. Pero gayon mismo ang papel na ginagampanan ng mga anticristo, umiiba sa nakagawian para gawin ito. Pagkatapos matanggap ng ilang anticristo ang mga pinakabagong recording ng sermon, pinakikinggan muna nila ang mga ito, at kung may natuklasan silang bagong liwanag at kung may ilang nilalamang hindi nila alam, nagpapasya silang huwag ipamahagi ang serye ng sermon na ito sa mga nasa kanilang pamamahala. Ipinagkakait nila ang mga recording ng sermon nang hindi alam ng iba. Ano ang layon ng pagkakait? Ang layon ay magpakitang-gilas sa mga pagtitipon, na katumbas ng pagbebenta. Sa pamamagitan ng pagpapakitang-gilas na ito, kapag narinig ng mga tao sa ilalim nila ang nilalamang hindi pa nila naririnig dati, na pawang bago, hinahangaan nila ang mga anticristo, at sa ganitong paraan natutupad ang mithiin ng mga anticristo. Hindi maikakaila na sa mga iglesia sa iba’t ibang lugar, siguradong may ilang tao na hindi agaran o ganap na namamahagi ng mga sermon ng pagbabahaginan o ng mga recording; siguradong may ang mga gayong indibidwal. Bukod dito, namamahagi ang ilang anticristo ng mga aklat ng mga salita ng Diyos batay sa saloobin ng mga tao sa kanila, ibinibigay ang mga ito sa mga nakikisama o pumupuri sa kanila. Kahit na libre ang mga aklat, hindi lahat ay madaling nakakatanggap ng mga ito; nakokompromiso ang prinsipyo ng libre at agarang pamamahagi sa mga kamay ng mga anticristo, na napapailalim sa iba’t ibang kondisyon. Maaaring labag sa loob nilang ibigay ang mga aklat sa mga nasa panig nila o nakikinig sa kanila, pero hindi sa agarang paraan; para sa mga hindi sumasang-ayon sa kanilang mga pananaw o sumasalungat pa nga sa kanila, maaaring ibigay ng mga anticristo ang mga piling aklat o hindi talaga ibigay. Hindi lamang naghahangad ang mga anticristo na makakuha ng labis na tubo sa pamamahagi ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, kundi ginagamit din nila ito upang akitin ang mga tao, makuha ang kanilang suporta, pati na rin para supilin at pahirapan ang iba—may kakayahan silang gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan. Kaya pa nga nilang pagbantaan ang mga tao, sinasabing kung may magsasalita laban sa kanila, hindi boboto sa kanila, o boboto laban sa kanila, maaari nilang ipagkait ang mga salita ng Diyos bilang paraan ng pagkilos laban sa taong iyon. Samakatwid, ang ilang tao, sa takot na hindi agarang makatanggap ng mga aklat ng mga salita ng Diyos o mga recording ng sermon, ay natatakot sa mga anticristo. Kahit na gumagawa ng kasamaan ang mga anticristo at sila mismo ay nakakaranas ng hindi patas na pagtrato, hindi sila nangangahas na iulat ang mga ito, natatakot na supilin at pahirapan sila ng mga anticristo, na mawalan sila ng ugnayan sa nasa Itaas, at mawalan ng pagdidilig at pagtutustos ng nasa Itaas. Mayroon bang mga gayong tao? Siguradong mayroon, isang daang porsyento. Gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawain ang mga anticristo; hindi lamang sila nakikipaglaban para sa kapangyarihan at kita, bumubuo ng mga paksyon, at lumilikha ng kanilang mga nagsasariling kaharian, kundi wala na rin silang itinatangi pagdating sa pamamahagi ng mga salita ng Diyos. Sinasamantala nila ang anumang bagay na maaaring magbigay-daan sa kanila para di-wastong makakuha ng mga pakinabang, at makuha ang kanilang posisyon at kapangyarihan; wala silang pinalalampas, kabilang na ang mga salita ng Diyos. Nangyari na ba sa inyong iglesia ang mga bagay na ito, sa paligid ninyo? Pinagbabantaan ng ilang anticristo ang mga nasa ilalim nila, sinasabing, “Kung hindi ninyo ako ihahalal, kung iuulat ninyo ako sa itaas, kung hindi ninyo ako magugustuhan, kung magsusumbong kayo at nalaman ko, hindi na kayo makakatanggap ng mga recording ng sermon. Puputulin ko ang inyong panustos, iiwanan ko kayong walang pagkain, uuhawin ko kayo hanggang mamatay, gugutumin ko kayo!” Hindi ba’t malupit ang disposisyon ng mga anticristo? Napakalupit nito! May kakayahan silang gumawa ng lahat ng uri ng masamang bagay.

Kung makatagpo kayo ng mga gayong anticristo, paano ninyo sila pangangasiwaan? Mangangahas ba kayong iulat sila sa Itaas? Mangangahas ba kayong magkaisa at tanggihan sila? (Oo.) Sinasabi mong oo ngayon, pero kapag aktuwal ka nang nahaharap sa kanila, baka hindi ka maglakas-loob; aatras ka, iisipin mo, “Maliit ang tayog ko, bata ako, mahina at nag-iisa ako. Kung talagang magtutulungan ang mga anticristo para apihin ako, hindi ba’t katapusan ko na? Nasaan ang Diyos? Sino ang makikinig sa mga hinaing ko? Sino ang tutugon sa aking mga hinaing at ipaghihiganti ako? Sino ang titindig para sa akin?” Bakit napakaliit ng pananalig mo? Nagiging duwag ka kapag nahaharap sa isang anticristo, pero paano kung mismong si Satanas ang magbanta sa iyo—titigil ka na ba sa pananampalataya sa Diyos? Ano ang gagawin mo kung hindi ipinamahagi ng isang anticristo ang mga salita ng Diyos sa iyo? Paano kung pinagbayad ka para sa mga aklat ng mga salita ng Diyos? Paano kung sa tuwing ipinamamahagi ng anticristo ang mga aklat ng mga salita ng Diyos sa iyo, pinapahirapan ka niya at mabagsik siyang nagsasalita? Madali bang harapin ang sitwasyong ito? Hayaan mong sabihin Ko sa iyo ang isang matalinong estratehiya: Tuwing malapit nang ipamahagi ang mga aklat, dapat kayong tumabi sa anticristo, masigasig na magsalita ng matatamis na salita, masiglang pinupuri at kinikilala ito para makuha ang kanyang tiwala. Kapag naipamahagi na niya ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at mga recording ng sermon sa iyo, saka ka humanap ng pagkakataon para iulat siya sa Itaas. Kung walang paraan upang iulat siya sa Itaas, humanap ka ng pagkakataon na makipagkaisa sa mga mapagkilatis na kapatid para pigilan at igapos ang anticristo. Tunay itong pagtatanggal ng pinsala sa iglesia at pinakanaaayon sa mga layunin ng Diyos. Maaaring magtanong ang ilan, paano kung matuklasan ng anticristo ang planong ito? Kung wala kang kumpiyansa sa pagkakataong ito, maghintay ka ng susunod na pagkakataon. Kapag mayroon ka nang lakas ng loob at tama na ang mga kondisyon, saka ka kumilos. Sa madaling salita, kung natatakot ka na puputulin ng anticristo ang iyong panustos, huwag ka munang magpahalata nang husto. Huwag mong ilantad ang sarili mo o hayaang mahalata ka ng anticristo. Kapag nakapagtamo ka na ng sapat na tayog, kapag mayroon ka nang mga angkop na tao, mga tamang tao, at mas maraming tao, na maaaring tumindig kasama mo sa pagsalungat sa anticristo, na kayang makakilatis at tumanggi sa anticristo, saka mo puwedeng putulin ang ugnayan mo sa anticristo. Ano ang palagay mo sa estratehiyang ito? (Maganda.) Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ba’t panlilinlang ito ng iba? Hindi ba’t gusto ng Diyos na maging tapat tayong mga tao? Tila hindi ito matapat.” Panlilinlang ba ito sa iba? (Hindi.) Pakikipaglaro ito sa isang diyablo. Katanggap-tanggap ang anumang paraan kapag nakikitungo sa isang anticristo, na isang diyablo.

Takot ba kayo sa mga anticristo? Paano kung talagang may isang anticristo sa paligid mo, sa mismong iglesia mo. Napansin mo na sila; may kapangyarihan at katayuan sila, at maraming tao ang sumusuporta sa kanila. May paksyon sila, ilang matapat na tagasunod. Matatakot ka ba sa kanila? Ang sabi ng ilan ay matatakot sila. Tama bang matakot? Kahit papaano ay mayroong isang magandang aspekto sa pagkatakot na ito. Bakit Ko sinasabi iyon? Kung natatakot ka sa kanila, ipinapakita nito na sa iyong puso ay naniniwala kang masama sila, na kaya ka nilang pahirapan at saktan, na hindi sila mabuting tao o taong naghahangad sa katotohanan—kahit papaano ay mayroon kang ganitong pagkaunawa at pagkilatis sa kanila sa iyong puso. Bagaman maaaring hindi mo magawang matukoy sila bilang isang anticristo o makilatis na anticristo sila, sa pinakamababa ay alam mo na hindi sila mabuting tao, hindi isang taong naghahangad sa katotohanan, hindi isang matuwid o mabait na tao, o isang matapat na tao, kaya natatakot ka sa kanila. Anong uri ng mga tao ang karaniwang kinatatakutan ng mga normal at ordinaryo o taos-pusong tao, bukod sa mga demonyo? (Masasamang tao.) Natatakot ang lahat sa masasamang tao. Sa pinakamababa, alam mo sa puso mo na masama ang taong ito. Sa batayang ito, obserbahan mo ang kanilang saloobin sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo; tingnan mo kung isinasagawa nila ang katotohanan, at kilatisin ang iba’t iba nilang pag-uugali, at unawain at kilatisin mo ang diwa nila sa pamamagitan ng kanilang mga pag-uugali. Sa huli, kung matutukoy mo na anticristo sila, kung gayon, magkakaroon ng isa pang aspekto ang takot mo—ang pagkilatis sa kanila. Bagaman sa puso mo ay maaaring natatakot ka sa kanila hindi ka papanig sa kanila, at tatanggihan mo sila sa puso mo—mabuti o masamang bagay ba ito? (Mabuting bagay.) Kung hilingin nilang sumama ka sa kanila sa paggawa ng masama, papayag ka ba? Magkakaroon ka ba ng pagkilatis tungkol dito sa puso mo? Kung hilingin nilang sumama ka sa kanila sa pang-aabuso sa Diyos o sa panghuhusga sa Kanya, papayag ka ba? Kung hilingin nilang makipagtulungan ka sa kanila sa pagpapahirap sa iba, at hindi ipamahagi ang mga aklat ng mga salita ng Diyos sa ilang indibidwal, papayag ka ba? Bagaman maaaring hindi ka 100% sigurado na hindi ka papayag na gawin ang mga ito, sa pinakamababa, magkakaroon ka ng pagkilatis sa puso mo tungkol sa kanilang mga kilos. Maaaring gumawa ka ng ilang bagay kasama nila nang labag sa loob mo at nang napipilitan, pero dahil lamang ito sa pinilit ka, at hindi ito kusang-loob; kahit papaano, hindi ikaw ang magiging pangunahing may pakana, sa pinakamalubha, magiging kasabwat ka sa kanilang mga krimen. Bagaman maaaring hindi mo sila ilantad o galitin sa personal, hindi ka rin kikilos bilang tagasunod o kasabwat nila. Ito ay, sa isang antas, pagtanggi sa anticristo. Karamihan sa mga tao, dahil sa takot nila sa masasamang tao at mga anticristo, ay nagagawa lamang magkompriso para protektahan ang kanilang sarili, kaya’t ang magawa mong gawin ito bilang pansamantalang hakbangin ay maituturing nang maganda. Pero ang pag-abot ba sa antas na ito ay maituturing nang paninindigan sa iyong patotoo? Maituturing ba itong pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo? Maituturing ba itong pananagumpay kay Satanas? Sa mga mata ng Diyos, hindi. Kaya, paano mo mapaninindigan ang patotoo mo? Lahat kayo ay walang landas, at nagkokompromiso lang kayo pra protektahan ang sarili ninyo: “Gumagawa sila ng masama, pero hindi ako nangangahas na sumama sa kanila sa paggawa ng masama; natatakot akong maparusahan. Masasama silang tao; gumagawa sila ng masasamang bagay para pahirapan ang mga tao. Pero ayos lang basta’t hindi ako mismo ang nagpahirap sa sinuman. Hindi ako ang masisisi sa kasamaang iyon.” Kung magagawa mo ito kahit papaano, medyo ayos na rin iyon; nagiging mapagpalugod ka lang ng mga tao at nananatiling nyutral, at hindi mo nagagawang magpatotoo. Kung gayon, ano ang dapat gawin para makapagpatotoo? Sa doktrina, dapat mong tanggihan ang masasamang tao, tanggihan at ilantad ang mga anticristo, at pigilan ang mga anticristo na maghasik ng kasamaan sa sambahayan ng Diyos at magdulot ng mga kawalan sa sambahayan ng Diyos. Pero alam mo ba kung paano mismo gawin ito? (Iulat at sabihin ito sa Itaas.) Iyan ba ang saklaw ng mga responsabilidad at obligasyong matutupad ninyo? Iyan ba ang lahat ng patotoong mapaninindigan ninyo, lahat ng tayog na mayroon kayo? Bukod sa pag-uulat sa isang anticristo, ano pa ang magagawa ninyo? (Puwede muna naming tipunin ang mga katunayan ng palagiang pag-uugali at masamang gawa ng anticristo, at pagkatapos ay pagbahaganinan ang pagkilatis sa anticristo kasama ang mga kapatid batay sa mga katunayang ito. Kapag nagkaroon na ng pagkilatis ang mga kapatid sa anticristo, maaari silang umaksyong lahat para ilantad ang anticristo, at pagkatapos ay, palalayasin namin ang anticristo sa iglesia.) Tama ang mga hakbang at proseso, pero paano naman ang ilang espesyal na kaso? Nagsasalita ka mula sa posisyon ng isang lider, pero paano kung isang ordinaryong mananampalataya ang makatagpo ng isang anticristo? Hindi ba’t parang itlog iyon na bumangga sa isang bato? Ano ang gagawin ninyo sa mga gayong sitwasyon? Hayaan ninyong ikuwento Ko sa inyo ang isang istorya tungkol sa pagrehistro at pag-uulat ng kita at gastusin. May isang taong namamahala sa pagtatala ng mga accounts, isang talaan para sa mga panlabas na account at isa pang talaan para mga sa panloob na account. Isang araw, nakita sa talaan na may nawawalang dalawang daang dolyar sa panloob na account. Kalaunan, dumating ang superbisor para suriin ang mga account at nakita niya na may nawawalang halaga; sabi niya, “Punitin ang panloob na account. Panatilihin na lang ang panlabas na account, para walang ebidensya.” Hindi sumang-ayon ang isang taong naroroon, sabi nito, “Handog ito. Gaano mang kalaking pera ito, pera ito ng Diyos; hindi mo puwedeng gawin ito.” Hindi nagsalita ang superbisor, habang nagkomento naman ang isa pang tao, “Ano ba ang dalawang daang dolyar? Kapag nandarambong ang mga anticristo, libu-libo ang halaga.” At kaya, ganoon nilutas ng mga taong iyon ang usapin. Gayumpaman, pagkatapos niyon, naramdaman ng isang tao na mali ang paraang iyon at iniulat ito pataas sa grupo ng mga gumagawa ng desisyon. Sinabi ng grupo na hindi malaking halaga ang dalawang daang dolyar, at na masyado silang abala para harapin ito. Nang iniulat ito sa mga lider ng iglesia, hindi rin nila ito tinugunan at binalewala nilang lahat ang usaping iyon. Nadismaya ang taong nag-ulat ng isyu, sinabi nito, “Bakit ganito ang lahat ng taong ito? Paano nila nagagawang maging labis na iresponsable sa mga handog sa Diyos? Ang lakas pa ng loob nilang manlinlang nang tahasan!” Ang sama ng loob niya sa usaping ito. Isang araw, nang binisita Ko ang mga taong iyon, iniulat ng taong iyon ang isyu sa Akin, sinabi nito na pabaya ang taong gumagawa ng accounting, na ginulo nito ang account, at sa huli ay nagkaroon ng nawawalang halaga. Bagaman hindi masyadong malaki ang isyung ito, malaking isyu naman ang mga saloobin ng bawat taong sangkot. Hindi tinugunan ng mga diumano’y superbisor at lider ang isyu. Hindi lamang nila hindi pinaalis ang taong gumagawa ng accounting, naghanap pa sila ng dahilan para protektahan ito. Ang taong nag-ulat ng isyu ay patuloy itong inuulat; gayumpaman, ibinukod siya ng maraming tao. Sabihin ninyo sa Akin, anong uri ng mentalidad mayroon ang taong ito nang iulat niya ang isyu? Kung kapareho sila ng saloobin ng iba pang tao—iyong nagsabi ng, “Dalawang daang dolyar lang ito, bakit mo ba pinalalaki pa ito? Kapag nandarambong ang mga anticristo, libu-libo ang halaga”—iuulat pa rin kaya niya ito? Hindi. Kung sinabi niya, “Hindi ko naman pera iyon; kung sino man ang gustong mandambong nito ay gawin na nila—sila ang mananagot dito. Tutal, wala naman akong dinambong na kahit ano, kaya hindi ko kailangang managot dito”; o “Iniulat ko na ito sa grupong gumagawa ng desisyon at sa mga lider ng iglesia, at hindi nila ako pinansin, kaya nagawa ko na ang bahagi ko at hindi ko na kailangang mag-abala pa”—kung ganito ang kanyang saloobin, magagawa pa kaya niyang magpursige na iulat ito nang walang tigil? Siguradong hindi; karamihan sa mga tao ay titigil na pagkatapos nilang iulat ito sa grupong gumagawa ng desisyon. Pero kung kailan nakapag-ulat na ang taong ito sa grupong gumagawa ng desisyon ay saka niya narinig ang Aking pagbabahagi tungkol sa mga kuwento nina Noe at Abraham. Matapos makinig, naantig siya, inisip niya, “Pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos, sinunod ni Noe ang mga ito sa loob ng maraming taon nang hindi sumusuko. Pero ako, naharap ako sa maliit na suliranin at hindi ko na magawang magpursigi—hindi ito ang dapat gawin ng isang tao!” Kaya nagpursigi sila sa pag-uulat hanggang sa wakas ay makarating ito sa Itaas, at tinugunan ng Itaas ang isyu. Sa tingin ba ninyo ay maraming gayong tao sa inyo? Kung makaharap kayo ng gayong sitwasyon, ilan sa inyo ang magpupursigi tulad ng taong ito? Iisipin din ba ninyo na hindi malaking halaga ang dalawang daang dolyar, na hindi ito malaking usapin, at sa gayon ay iisipin ninyo na hindi kailangang sumunod nang mahigpit sa mga prinsipyo o maging masyadong seryoso, at na puwede kayong maghintay hanggang sa magkaroon ng malaking nawawalang halaga bago kayo mag-ulat? Iisipin ba ninyo, “Ano’t anuman, natupad ko na ang responsabilidad ko. Bahala na ang mga lider kung tutugunan nila ito o hindi. Isa lang akong ordinaryong mananampalataya, may limitasyon ang aking kapangyarihan, limitado lang ang kaya kong gawin. Naiulat ko na ito, natupad ko na ang obligasyon ko; hindi ko na problema ang iba pa”? Hindi ba’t ganito kayo mag-iisip? At kung may susupil sa iyo, hindi ba’t matatakot kang iulat ito? Humaharap sa pang-aapi ang taong ito habang nasa proseso ng pag-uulat ng isyu, sinisisi at kinokondena sila ng ilang tao, at palaging naghahanap ang mga ito ng paraan para pahirapan sila. Napakasama ng mga taong ito! Naaalala Ko ang ilang indibidwal na ito—bakit Ko sila naaalala? Kinain nila ang pagkain ng sambahayan ng Diyos at tinamasa ang lahat ng katotohanang itinustos ng Diyos, pero gayon ang kanilang saloobin sa mga handog ng Diyos. Puwede ba silang ituring na mga tao ng sambahayan ng Diyos? Hindi sila karapat-dapat! Hindi nila kailangang manindigan sa kanilang patotoo, dahil wala silang ganitong karakter. Pero dahil hindi nila magawa kahit na ang dapat nilang gawin, nararapat pa rin ba silang manatili sa sambahayan ng Diyos? Dapat bang maalala ang mga gayong tao? Gusto ba ninyo ang mga gayong tao? (Hindi.) Kung gayon, anong uri ng mga tao ang gusto ninyo? (Ang mga sumusunod sa mga prinsipyo, ang mga nagpupursiging protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos hanggang sa wakas.) Nasusuklam Ako sa mga walang kuwentang taong takot sa makapangyarihan pero nagiging matapang sa harap ng mga taong taos-puso. Nasusuklam din Ako sa mga pumipinsala sa mga nagtutustos sa kanila, sa mga walang interes sa katotohanan, at lalo na sa mga nakinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon pero hindi pa rin nauunawaan man lang ang katotohanan, o nagbago kahit kaunti, at patuloy na lumalaban at nagbabantay laban sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso. Kung walang malinaw na kaso ng mga gayong tao na gumagawa ng masama, maaaring hindi sila matawag na mga anticristo, pero nasusuklam Ako sa kanila. Gaano katindi ang Aking pagkasuklam? Kasingtindi ng sa mga anticristo. Bakit? Tinatrato ng mga anticristo ang salita ng Diyos bilang isang kalakal na ibebenta, ikakalakal, at ipagpapalit, para kumita mula rito. Habang ang ganitong uri ng tao ay maaaring hindi kumita mula sa mga salita ng Diyos, mahihinuha natin mula sa kanilang saloobin sa mga salita ng Diyos na tulad lamang sila ng mga anticristo, na hindi sila sumusunod sa daan ng Diyos, o wala man lang silang simple at pinakapangunahing saloobin na dapat nilang taglayin sa mga handog ng Diyos, at na pinipinsila nila ang nagtutustos sa kanila. Anong uri sila? Mga Judas sila, na ipinagbili ang Panginoon at ang kanilang mga kaibigan. Matapos ninyong marinig ang kuwentong ito, ano ang mga naiisip ninyo? Kaya ba ninyong sumunod sa mga prinsipyo at pangatawanan ang inyong paninindigan sa gayong mga sitwasyon? Kung wala kang kuwenta, na palaging umaatras, palaging takot sa puwersa ng mga anticristo, takot na mapahirapan nila, takot na mapinsala ng kanilang puwersa, at sa puso mo ay palagi kang takot, at wala kang karunungan para tumugon dito, palaging nakikipagkompromiso sa mga anticristo, hindi naglalakas-loob na iulat o ilantad sila, o maghanap ng iba para makaisa mo para tanggihan sila, kung gayon, hindi ka isang taong makakapanindigan sa iyong patotoo sa Diyos—wala kang kuwenta, pinipinsala mo ang nagtutustos sa iyo. Kapag tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang mga kalakal, ginagamit ang mga ito para di-wastong kumita nang labis para sa kanilang sarili, para pagbantaan ka, at putulin ang iyong panustos, kung hindi mo pa rin sila matanggihan sa gayong mga sitwasyon, isa ka bang mananagumpay? Karapat-dapat ka bang maging tagasunod ni Cristo? Kung wala ka kahit ang abilidad na matamo ang mga salita at ang espirituwal na panustos na libreng ibinibigay sa iyo ng Diyos, at hindi mo man lang magawang kainin, inumin, o tamasahin ang mga bagay na ito, gaano ka kawalang kuwenta?

Ang mga katunayang kababahagi Ko lang ay ilan sa mga pagpapamalas ng mga anticristo na itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang mga kalakal. Hindi kinakain at iniinom ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos at hindi nila tinatanggap ang katotohanan, pahapyaw lang nilang binabasa at sinusulyapan ang mga salita ng Diyos para pagandahin ang kanilang sarili gamit ang mga ito. Tinatrato nila ang mga salita ng Diyos bilang kanilang ari-arian at personal na pag-aari, para magawa nilang makipagtransaksyon at makuha ang pera at mga pakinabang na nais nila, at para makontrol nila ang kalayaan ng mga hinirang na tao ng Diyos na basahin, kainin, at inumin ang mga salita ng Diyos. Masasamang tao, mga diyablo, mga hindi mananampalataya ang mga gayong anticristo; kauri sila ng mga walang pananampalataya! Dapat patalsikin, patalsikin magpakailanman ang sinumang gayon na lumilitaw sa sambahayan ng Diyos! Maglalakas-loob ba kayong tanggihan ang mga gayong tao kapag nakatagpo ninyo sila? Maglalakas-loob ba kayong magkaisa at ilantad sila? Dapat silang ilantad; dapat silang tanggihan. Pinaghaharian ng katotohanan ang sambahayan ng Diyos. Kung wala kang gayong tayog, pinatutunayan nito na hindi naging buhay sa loob mo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan. Kung kimi ka, natatakot kay Satanas, natatakot sa masasamang tao, mas pinipiling makipagkompromiso para maprotektahan ang sarili mo kaysa lumaban sa mga anticristo, kahit na nangangahulugan ito ng hindi pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos o hindi pagtamo sa mga ito, kung gayon, karapat-dapat kang mamatay sa gutom, at walang maaawa sa iyo kung ganoon ka. Kung maharap kayo sa mga gayong sitwasyon, paano kayo dapat pumili at magsagawa? Dapat ninyo silang ilantad kaagad. Hindi mga kalakal ang mga salita ng Diyos; ipinagkakaloob ito sa lahat ng hinirang na tao ng Diyos, hindi ito personal na pag-aari ng sinumang indibidwal. Walang sinuman ang may karapatang ipagkait o ariin ang mga salita ng Diyos para sa kanilang sarili. Dapat ipamahagi nang libre at nang walang bayad ang mga salita ng Diyos sa lahat ng hinirang na taong sumusunod sa Diyos. Karapat-dapat sumpain ang sinumang nagkakait ng mga ito, naghahangad na di-wastong kumita ng labis na halaga mula sa mga ito, o may mga personal na balak tungkol sa mga salita ng Diyos. Sila ay mga indibidwal na dapat labanan ng mga hinirang na tao ng Diyos para ilantad at tanggihan, at dapat silang paalisin at tanggalin.

Sapat bang inilalarawan ng dalawang aytem na Aking ibinahagi ngayon kung paano kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos? (Oo.) Hindi kailanman itinuturing ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, ni hindi nila pinahahalagahan, iniingatan, o tinatrato ang mga ito gaya ng mga salita ng Lumikha. Sa halip, ipinapakita nila ang kanilang mga karima-rimarim, kasuklam-suklam, at maruming hangarin sa bawat pagkakataon. Gusto lamang nilang gamitin ang mga salita ng Diyos para makamit ang kanilang mga karima-rimarim na mithiin, at maging sa mga materyal o di-materyal na bagay, gusto nilang gamitin ang mga salita ng Diyos para di-wastong makakuha ng kita para sa kanilang sarili, para makakuha ng pera at mga materyal na bagay, o para makamit ang kanilang mithiin na papurihan, tingalain, idolohin, at sundan sila ng mga tao. Kasuklam-suklam sa Diyos at dapat tanggihan ng mga tao ang mga bagay na ito. Sa tuwing may nakakatuklas sa gayong mga indibidwal o gayong mga nangyayaring bagay, dapat nilang ilantad at tanggihan ang mga ito, para pigilan ang mga gayong indibidwal na manindigan sa gitna ng mga hinirang na tao ng Diyos. May ilang nagsasabi na iuulat nila ito sa Itaas kung makatagpo sila ng mga gayong bagay, pero masyadong pasibo at mabagal iyon. Kung inuulat mo lang ang mga bagay na ito sa Itaas, napakawalang kuwenta mo! Napakarami mo nang nakain at nainom na mga salita ng Diyos at nakarinig ka na ng napakaraming sermon, pero ang alam mo lang ay gumawa ng ulat—ibig sabihin nito ay napakaliit ng tayog mo! Siguro naman mayroon ka pang ibang pamamaraan para pangasiwaan ang mga anticristo? Ang pag-uulat sa Itaas ang huling hakbang, isang hakbang na ginagawa lamang kapag talagang kinakailangan. Kung labis na marami ang kalaban mo, kung wala kang laban sa kanila, at wala kang pagkilatis, at hindi ka sigurado kung anticristo ang isang tao, maaaring hindi ka maglakas-loob na ilantad ang kanilang iba’t ibang pagpapamalas at mga kilos. Pero kung nakakasiguro kang anticristo sila at hindi ka pa rin naglalakas-loob na labanan, tanggihan, at talunin sila, hindi ba’t napakawalang kuwenta mo? Hindi nagagamit ang kaunting katotohanang nauunawaan mo. Sigurado ka bang katotohanan ang nauunawaan at naririnig mo? Kung oo, bakit hindi ka maglakas-loob na tumayo nang matatag at matuwid at labanan ang mga anticristo? Hindi naman ang mga anticristo ang mga namamahalang awtoridad—ano ang kinatatakot mo sa kanila? Maliban na lamang kung may sitwasyon na maaaring isumbong ka nila sa mga awtoridad kung bigla mo silang ilantad—sa ilalim ng mga gayong kalagayan, dapat kang mag-ingat, huwag silang galitin, at gumamit ng matatalinong pamamaraan para palihim na punahin at sirain ang mga anticristo, unti-unti silang itiwalag. Hindi ba’t mas kahanga-hanga ang tahimik silang itiwalag? (Oo.) Sige, hanggang dito na lang ang pagbabahagi para sa araw na ito. Paalam!

Setyembre 12, 2020

Sinundan: Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikaanim na Bahagi)

Sumunod: Ikalabing-isang Aytem: Hindi Nila Tinatanggap ang Pagpupungos, ni Hindi Sila Nagsisisi Kapag Nakakagawa Sila ng Anumang Pagkakamali, Kundi sa Halip ay Nagkakalat Sila ng mga Kuru-kuro at Hayagan Nilang Hinuhusgahan ang Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito