Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikalimang Bahagi)

III. Kinamumuhian ang mga Salita ng Diyos

Ngayon, ipagpapatuloy natin ang ating pagbabahaginan noong nakaraan, na nagtalakay sa ikasampung pagpapamalas ng mga anticristo—kinamumuhian nila ang katotohanan, tahasang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Nahahati ang aytem na ito sa tatlong seksyon. Ang unang dalawa ay napagbahaginan na, at ngayon ay pagbabahaginan natin ang ikatlo: Kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos. Noong nakaraan, ang ilang pagpapamalas at kasabihan tungkol sa aspektong ito ay napagbahaginan na, tulad ng kung paanong ang mga anticristo ay nagdududa sa mga salita ng Diyos, hindi naniniwala sa mga ito, at napupuno ng pagkamausisa tungkol sa mga ito, walang anumang elemento ng paniniwala at binubuo lang ng pagdududa, pagsubok, at espekulasyon. Sa madaling salita, hindi itinuturing ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, ni hindi nila isinasagawa ang mga ito. Kapag nahaharap sa mga usapin, hindi nila hinahanap ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Sa puso nila, madalas silang nagkikimkim ng pagdududa, paglaban, at pagtanggi sa mga salita ng Diyos. Ang lahat ng ito ay masasabing mga pagpapamalas ng pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos. Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa mas malalalim at partikular na mga saloobin at kilos ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos, para himayin kung paano mismo nila kinamumuhian ang mga salita ng Diyos. Tungkol sa kung paano kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan sa kada aytem. Hindi ba’t magiging mas malinaw ang ganitong paraan? (Oo.) Kung magbabahagi Ako sa pangkalahatang paraan ngayon, at kayo ay may partikular na kakayahang makaarok, sapat na kakayahan, at espirituwal na pang-unawa, at madalas na nakakatanggap ng liwanag mula sa mga salita ng Diyos, kung gayon, ang dati Kong ibinahagi ay talagang sapat na para sa inyo. Gayumpaman, karamihan sa mga tao ay walang kakayahang maarok ang mga salita ng Diyos; hindi nila naaabot ang antas kung saan maituturing nila ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan na dapat arukin. Samakatwid, kailangan nating pagbahaginan ang kada aytem. Ang paksang ito ay partikular na nahahati sa ilang mas maliit na seksyon.

A. Pinakikialaman at Binibigyang-kahulugan ng mga Anticristo Nang Wala sa Katwiran ang mga Salita ng Diyos

Ang unang aytem ay na pinakikialaman at binibigyang-kahulugan ng mga anticristo nang wala sa katwiran ang mga salita ng Diyos. Noong nakaraan, pinagbahaginan natin ang aspektong ito sa pamamagitan ng ilang partikular na halimbawa, bagama’t hindi partikular at detalyado ang paghihimay, kundi pahapyaw lang. Ano ang mga pagpapamalas ng mga anticristo na pinakikialaman at binibigyang-kahulugan nang wala sa katwiran ang mga salita ng Diyos? Sa aytem na ito, paano kumikilos ang mga anticristo? Ang katunayan na ang mga anticristo ay nagpapakita ng gayong pag-uugali at kumikilos nang gayon sa mga salita ng Diyos ay nagpapahiwatig, mula sa pananaw ng kalikasan nila, na hindi nila pinaniniwalaan sa puso nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, na ang mga ito ay banal, at hindi nalalabag. Anumang aspekto ng mga salita ng katotohanan ang ipahayag ng Diyos, ito man ay tila simple o malalim para sa mga tao, ito ay mga salita ng Diyos pa rin, ito ang katotohanan, at hindi mahihiwalay sa buhay pagpasok, pagbabago ng disposisyon, at kaligtasan ng isang tao. Gayumpaman, hindi ito nakikita ng mga anticristo sa ganitong paraan; wala silang kamalayan dito sa puso nila, ni wala sila ng gayong kabatiran o pagkaunawa. Hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, ni hindi nila kinikilala ang malaking kahalagahan ng mga salita ng Diyos para sa buhay pagpasok ng isang tao. Sa kabaligtaran, naniniwala sila na ang mga salita ng Diyos, sa panlabas, ay tila mga salita lang ng tao, at medyo ordinaryo. Tila mahalaga lang ang mga ito dahil lahat ng sumusunod sa Diyos, ang sambahayan ng Diyos, at ang iglesia ay tinawag ang mga ito na “mga salita ng Diyos.” Pero sa realidad, sa panlabas, ang mga salita ng Diyos ay tila mga karaniwang parirala na madalas sabihin ng mga tao. Sa literal, naglalaman ang mga salitang ito ng mga elemento ng wika ng tao, naglalaman ang mga ito ng lohika, pag-iisip, at diksiyon ng wika ng tao, kasama ang ilang kolokyal na ekspresyon, idyoma, kasabihan, at maging ang ilang salawikain na may dalawang bahagi. Hindi nakikita ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang isang bagay na dakila, hindi maunawaan, o malalim tulad ng maaaring isipin ng iba, hindi tulad ng mga maalamat na kasulatan mula sa langit. Para sa kanila, payak at karaniwan lang ang mga ito. Kaya, pagkatapos ng masusing pagsisiyasat, sa huli ay nakakabuo sila ng isang depinisyon sa puso nila: Ang mga salitang ito ay karaniwang wika lang, medyo praktikal, isang bagay na dapat basahin ng mga mananampalataya, mga salitang makakatulong sa pag-uugali at pananampalataya ng isang tao. Pagkatapos ng maraming pagbabasa, ito ang kongklusyon na nabubuo nila. Maging ang ilang anticristo at hambog na tao ay dinadampot ang mga salita ng Diyos at nagbabasa ng napakaraming kabanata at pahina sa isang upuan lang. Binabasa pa ng ilan ang aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao mula umpisa hanggang dulo sa loob ng isang buwan, na nag-iiwan ng ilang malalim na impresyon sa isipan at pag-iisip nila. Nagkakamit sila ng pangkalahatang pagkaunawa sa ilang espirituwal na terminolohiya, sa tono at paraan ng pananalita ng Diyos, at maging sa nilalaman ng mga salita ng Diyos sa iba’t ibang yugto. Pagkatapos magbasa, sinasabi nila, “Pangkaraniwan lang ang mga salita ng diyos. Nabasa ko na ang lahat ng ito sa isang upuan lang at naunawaan ko ang pangkalahatang nilalaman ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng diyos. Kaya, hindi ganoon kalalim ang mga salita ng diyos. Ang iangat ang mga salita ng diyos sa antas ng katotohanan, bilang isang bagay na mahalaga para sa buhay pagpasok ng mga tao, ay tila isang kalabisan.” Samakatwid, paano man nila tingnan ang mga salitang ito, ang pinakadepinisyon nila sa mga salita ng Diyos sa puso nila ay na ang mga ito ay hindi kasinlalim o kasinghirap unawain tulad ng iniisip ng mga tao. Ang sinumang may pinag-aralan at may mata ay mauunawaan ang mga ito. Pagkatapos ng paulit-ulit na pagbabasa, bukod sa nabigo silang kilalanin o maunawaan ang iba’t ibang katotohanan tungkol sa buhay pagpasok na dapat maunawaan ng mga tao mula sa mga salita ng Diyos, nagtatamo ng kaliwanagan, pagtustos, at tulong mula sa mga ito, nararamdaman din nila na ang mga salita ng Diyos ay malayo sa katotohanan at sa mga kasulatan mula sa langit. Pagkatapos mabuo ang gayong kongklusyon, mas lalo pang kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos. Naniniwala sila na ang mga salita ng Diyos ay ganito lang, na ang Diyos ay ganito lang, at na ang katotohanan ay ganito lang. Dahil sa gayong saloobin at pagkaunawa, ang panloob na paninindigan ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos at sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay nagdudulot ng lalo pa nilang pagkamuhi sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ginagamit nila ang kanilang kaalaman at talino, umaasa sila sa kanilang mga alaala at angking talas, para mabilis na maarok ang nilalaman at ang diumano’y mga prinsipyo ng mga salitang ito, pati na rin ang ilang tono, estilo, at diksiyon na ginamit sa mga ito, ang diksiyon nito ay naglalaman ng mga karaniwang ekspresyon at idyoma. Dahil dito, nararamdaman nilang nakamit na nila ang lahat at nasa kanila na ang lahat. Ang gayong pagkaunawa at saloobin ay nagdudulot ng lalo pa nilang walang pakundangang pagkamuhi at pagkwestyon sa mga salita ng Diyos sa puso nila at ng lalo pang pagdududa sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos.

Kung titingnan mula sa kalikasan ng mga anticristo, makikita na sila ay tutol sa katotohanan, namumuhi sa mga positibong bagay, namumuhi sa kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos, at namumuhi sa katapatan, pagiging totoo, at pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Ang serye ng pagkamuhing ito ay nagdudulot sa mga anticristo na isagawa nang hindi namamalayan at natural ang ilang nakakasuklam na mga kilos na kinamumuhian at kinokondena ng Diyos. Kasama sa mga kilos na ito ang pakikialam at pagbibigay-kahulugan nang wala sa katwiran sa mga salita ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pakikialam? Hindi naniniwala ang mga anticristo na may katotohanan sa mga salita ng Diyos, hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ay kayang magbigay ng buhay sa mga tao, at lalong hindi sila naniniwala na ang mga salitang ito ang pundasyong inaasahan ng tao para mabuhay at ang direksyon at landas para sa pag-unlad ng tao. Samakatwid, hindi nila nauunawaan kung bakit nagsasalita ang Diyos sa mga ganitong paraan, ni hindi nila alam kung bakit sinasabi ng Diyos ang mga gayong salita sa isang partikular na konteksto, at lalong wala silang ideya kung bakit sinasabi ng Diyos ang mga partikular na nilalamang ito. Tungkol sa kung paano lumitaw ang mga nilalamang ito, kung ano ang iniisip ng Diyos, at kung ano ang layon ng Diyos na obserbahan, isakatuparan, at idulot sa mga tao habang sinasabi ang mga salitang ito, pati na rin—sa loob ng mga salitang ito—ang lahat ng layon ng Diyos na makamit, ang Kanyang mga layunin, at ang katotohanan, ang mga anticristo ay ganap na walang ideya at ignorante—sila ay mga walang alam pagdating dito. Samakatwid, sa puso nila, madalas nilang nararamdaman na hindi dapat sinabi ng Diyos ang pariralang ito sa ganoong paraan, na dapat sumunod ang pangungusap na iyon sa pangungusap na ito, na dapat ipahayag ang pangungusap na ito sa ganitong paraan, na dapat magkaroon ang siping ito ng ganitong tono o ng ganoong intonasyon, na hindi tama ang pagpili ng salitang ito, at na walang pagsasaalang-alang at hindi akma sa pagkakakilanlan ng Diyos ang terminong iyon, kaya nabubuo ang mga opinyon nila. Sa mga mata nila, ang mga salita ng Diyos ay hindi kasingganda ng mga akda ng sinumang sikat o dakilang tao sa mundo. Pakiramdam nila, ang pananalita ng Diyos ay hindi sapat na masusi, na ito ay masalimuot, at na ang ilang salita, kung masusing sisiyasatin at kung tutuusin, ay hindi umaayon sa mga panuntunan ng gramatika at leksikon ng tao. “Paanong magkakaroon ng katotohanan sa mga salitang ito? Paanong magiging mga salita ng diyos ang mga ito? Paanong ang mga ito ay magiging ang katotohanan?” Nagkakalkula at nagninilay ang mga anticristo sa puso nila, at kasabay nito ay nagdududa at kumokondena sila. Nang may gayong saloobin, gayong pag-iisip, at gayong pananaw sa mga salita ng Diyos, inihahanda ng mga anticristo ang mga maladiyablo nilang kuko.

Naaalala ko na ilang taon na ang nakalipas, may isang insidenteng nangyari sa pangkat ng mga gumagawa ng himno. Gusto nilang lumikha ng musika para sa isang mahalagang sipi ng mga salita ng Diyos na aawitin sa iglesia. Habang ginagawa ang komposisyon, natuklasan nila na ang haba ng pananalita ng Diyos at ang bilang ng mga salita ay hindi tugma sa melodiya; ang bawat linya ng mga liriko ay may masyadong maraming salita. Bukod dito, kung ilalapat sa mga salita ng Diyos ang buong melodiya ng awit, nagmumukhang masyadong marami at masyadong mahaba ang mga salita. Kaya, ano ang solusyon nila? Nakahanap sila ng paraan: Iniba nila ang ilang parirala at diksiyon ng mga salita ng Diyos nang hindi binabago ang mismong kahulugan ng mga ito—halimbawa, ang idyomang may apat na karakter ay ginawa nilang may dalawang karakter lamang, o tinanggal nila ang mga pangungusap na tila mahaba, hindi kailangan, at walang saysay. Ayon sa prinsipyong ito, inilapat nila ang binagong bersiyon ng mga salita ng Diyos sa musika at ipinalaganap ito sa iglesia para kantahin. Karamihan sa mga tao, na magulo ang isip, ay inakalang ito ay isang himno ng mga salita ng Diyos, pero sino ang mag-aakala na ang naturang sipi ay hindi talaga mga salita ng Diyos? Ito ay isang siping wala sa katwirang binago at pinaikli ng mga anticristo, pinakialaman at iniba. Kalaunan, nang ang himnong ito ay inihahanda para sa isang programa, tinanong Ko kung sa aling kabanata ng mga salita ng Diyos nakabatay ang naturang himno. Sinabi nila sa Akin na ito ay batay sa unang sipi ng isang partikular na kabanata. Hinanap Ko ang siping iyon at ikinumpara ito sa nasa aklat ng himno, at labis Akong nabigla. Ang sipi sa aklat ng himno ay naturingang isang napiling bahagi mula sa kabanatang iyon ng mga salita ng Diyos, pero ito ay lubhang iniba na hindi na ito makilala. Nawala ang tono ng pananalita, maraming mahalagang salita ang tinanggal, magulo ang nilalaman ng pananalita, at maging ang pagkakasunud-sunod ng mga salita ay nabaligtad. Kung walang nagsabi sa Akin na kinuha ang siping ito mula sa isang partikular na kabanata ng mga salita ng Diyos, sa palagay Ko ay walang makakatukoy kung sa aling kabanata ito nagmula; hinding-hindi ito tumutugma sa orihinal. Sa panlabas, ginagampanan ng mga taong ito ang kanilang tungkulin: Sa pagsasalin ng mga salita ng Diyos sa musika para kantahin at isaisip ng lahat, maaaring patuloy na pamunuan at gabayan ng mga salita ng Diyos ang mga tao, at maaaring tulungan nito ang mga tao na pumasok sa mga salita ng Diyos. Kamangha-manghang gawa ito! Gayumpaman, dahil sa ganap na kawalan ng mga anticristo ng may-takot-sa-Diyos na puso, itinuring nila ang mga salita ng Diyos na parang mga salitang sinabi ng mga ordinaryong tao na nag-uusap, wala sa katwirang nagtatanggal mula sa mga ito at pinapakialaman ang mga ito. Nang hindi nagtatanong ng ni isang tanong at nang walang pahintulot o pagsang-ayon ng sinuman—o maging ng anumang awtorisasyon mula sa sinuman—ganap nilang binago ang mga salita ng Diyos, at gayumpaman, pinaniniwala nila ang mga tao na ginagampanan nila ang tungkulin nila, na inilapat nila ang mga salita ng Diyos sa musika. Anong uri ng pag-uugali at pamamaraan ito? Anong disposisyon mayroon ang mga taong may gayong pag-uugali at gayong pamamaraan? Ang mga gumagamit ng gayong paraan, tumatrato sa mga salita ng Diyos nang may gayong saloobin, may anumang takot ba talaga sa puso nila sa paraan nila ng pagtrato sa mga salita ng Diyos? Pinahahalagahan ba nila ang mga salita ng Diyos? Itinuturing ba nila ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan? Batay sa kanilang walang-galang at kaswal na saloobin sa mga salita ng Diyos, hindi lang sa hindi nila pinahahalagahan ang mga ito, kundi itinuturing din nila ang mga salita ng Diyos bilang mga laruan, kaswal na iniiba ang mga ito ayon sa kagustuhan nila. Hindi ba’t ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos ay nagpapahiwatig ng saloobin nila sa Diyos mismo? (Oo.) Parehong-pareho ito. Kumakatawan sa Diyos mismo ang mga salita ng Diyos; ang mga ito ay isang pagpapahayag ng Diyos, isang pagpapahayag ng Kanyang disposisyon, at isang pagbubunyag ng Kanyang diwa. Kung ang mga tao ay labis na walang galang at kaswal sa mga salita ng Diyos, hindi na kailangang sabihin pa kung paano nila tinatrato ang Diyos mismo. Napakalaki na ng ipinapahiwatig nito.

Sa panlabas, sumusunod sa Diyos ang mga tao, tinatalikuran ang kanilang sarili, gumugugol, at nagtitiis ng paghihirap para sa Kanya, pero ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos ay napakawalang galang at kaswal. Ang mga anticristo ay maaari pa ngang palamutian nang maganda ang aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, maaaring balutin nila ito ng tela, at iimbak ito sa pinakaligtas na lugar. Pero ano ang mapapatunayan nito? Maipapakita ba nito na pinahahalagahan nila ang mga salita ng Diyos, na mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso? Mapagtatakpan ba ng mga panlabas na kilos na ito ang walang-galang nilang saloobin sa mga salita ng Diyos? Hindi. Sa tuwing binabasa nila ang mga salita ng Diyos, palagi nilang iniisip na ibahin ang ilang termino, pagpapahayag, at tono sa mga ito. At hanggang saan umaabot ang kapangahasan ng ilang anticristo? Kapag nakakita sila ng isang bagay sa mga salita ng Diyos na hindi tumutugma sa mga kuru-kuro nila, o sa tingin nila ay hindi tama ang pagpili sa mga salita o kaya ay mali ang gramatika, o kahit kapag naniniwala silang mali ang isang bantas, malakas nilang ipapahayag at papalakihin ang usapin, nais nilang malaman ng buong mundo ang tungkol sa isang maling bantas, isang pagpili ng salitang hindi angkop, o isang pahayag sa mga salita ng Diyos na tila hindi makatwiran. Ikinakalat nila ito nang may mapanlait at mapanghamak na tono. Tila sa mga sandaling ito, sa wakas ay natagpuan na nila ang itinuturing nilang ebidensiya ng mga pagkakamali sa mga salita ng Diyos, isang bagay na maaari nilang magamit, isang kapintasan, at sa wakas ay mapapanatag nila ang sarili nila sa kanilang puso na may mga pagkakamali rin ang mga salita ng Diyos at na hindi perpekto ang Diyos. Hindi ba’t ito ang disposisyon ng isang anticristo? Layon ng mga anticristo na hanapan ng mga pagkukulang at pagkakamali ang mga salita ng Diyos; ito ay isang saloobin ng pagkamapanlaban, hindi ito saloobin ng pagpapasakop at pagtanggap. Yamang napag-uusapan na ang tungkol sa mga anticristo na pinakikialaman at binibigyang-kahulugan nang wala sa katwiran ang mga salita ng Diyos, pwede bang ituring na pakikialam sa mga salita ng Diyos ang insidenteng nangyari sa pangkat ng mga gumagawa ng himno na nabanggit kanina lang? (Oo.) Sabihin ninyo sa Akin, anong uri ng tao ang mag-iiba ng mga salita ng Diyos nang wala sa katwiran? Mayroon ba silang anumang takot sa Diyos? (Wala.) Anong disposisyon ito? Una, itinuturing ba nila ang mga salita ng Diyos bilang mga salita ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon, ano ang turing nila sa mga salita ng Diyos? Itinuturing nila ang mga ito na mga salita ng tao. Maaaring katanggap-tanggap na ibahin ang mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ng mga tao kung hindi magkakaugnay o hindi perpekto ang mga salita, pero ang mangahas na gawin iyon sa mga salita ng Diyos, ano ang kalikasan nito? Hindi ba’t ito ay pagkilos nang sinasadya at walang pakundangan nang walang may-takot-sa-Diyos na puso? Ang mangahas na magkomento at baguhin ang mga salita ng Diyos nang wala sa katwiran, ang baguhin ang mga ito sa tuwing hindi umaayon ang mga ito sa sariling mga ideya o pananaw ng isang tao—malubha ba ang kalikasan nito? (Oo.)

Sino pa ang sangkot sa pakikialam sa mga salita ng Diyos? Sa proseso ng pangangaral sa ebanghelyo, nababasa ng ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang mga salita ng Diyos at nagkakaroon sila ng iba’t ibang kuru-kuro tungkol sa tono, estilo, perspektiba ng Kanyang pananalita, at maging sa pagpili ng mga salita at mga panghalip na ginamit, kasama ang marami pang ibang aspekto. May iba’t ibang kuru-kuro ang iba’t ibang tao; May iba’t ibang panlasa at kahingian ang mga mula sa iba’t ibang denominasyon. Sinasabi ng ilang miyembro ng pangkat ng mga taga-ebanghelyo, “Mahirap ipangaral ang ebanghelyo sa ganitong paraan! Masyadong malupit ang ilan sa mga salita ng diyos; gamit ang ilan dito, parang isinusumpa niya ang mga tao. Ang mga ito ay hinding-hindi malumanay, walang pagmamahal, at pawang pang-araw-araw na wika lang. Ang ilan ay partikular na nakatuon sa partikular na mga etnisidad, samantalang nagbubunyag ang iba ng mga misteryo—hindi tinatanggap ng mga tao ang anuman sa mga ito! Nagiging balakid ang mga salitang ito para tanggapin ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang bagong gawain ng diyos. Ano ang dapat nating gawin?” Sabi ng isang tao, “May solusyon ako. Dahil hindi matanggap ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang bagong gawain ng diyos dahil sa mga salitang ito, bakit hindi na lang tanggalin ang mga ito? Markahan ang lahat ng salita at nilalaman na ayaw tanggapin ng mga tao, kahit na isang pangungusap lang ito, at alisin ang mga ito kapag maglilimbag na. Sa ganitong paraan, kapag binasa ito ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, wala nang mga salitang makakasakit sa kanilang dangal o mga damdamin, ni wala nang anumang kokontra sa mga kuru-kuro nila. Magiging angkop ang lahat ng salita ng diyos, hindi magkakaroon ng anumang mga kuru-kuro ang mga tatanggap, at matatanggap nila nang maayos ang bagong gawain ng diyos.” Sa pangkat ng mga taga-ebanghelyo, may ilan talagang gumawa nito, at nang hindi man lang nagtatanong o humihingi ng pahintulot mula sa Itaas, inilimbag nila at malawakang ipinamahagi ang mga booklet na naglalaman ng mga pinaikli at pinakialamang mga salita ng Diyos na ito. Alang-alang sa kaginhawahan nila sa gawain, para magkamit ng mas maraming tao, para ipakita ang kakayahan nila sa gawain, at para magmukhang tapat sa tungkulin nila, inimbento nila ang pamamaraang ito at isinagawa pa nga ito sa pamamagitan ng paglilimbag nito sa isang aklat. Pero ganap na naiiba ang aklat na ito mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao. Hindi ba’t ang pamamaraang ito ay pakikialam sa mga salita ng Diyos? (Oo.) Napagtatanto ba ng karamihan sa mga tao na ang pakikialam sa mga salita ng Diyos ay isang paraan ng paglaban sa Diyos? (Oo.) Mayroon bang ganitong kabatiran ang karamihan sa mga tao? Ngayon, pagkatapos ng napakaraming pagbabahaginan, madali ninyong masasabi na mayroon. Ngunit kung kayo ay nangangaral ng ebanghelyo tatlo o limang taon na ang nakalipas, magkakaroon ba kayo ng kabatiran na hindi dapat ibahin ang ni isang salita o pangungusap ng Diyos? Magkakaroon ba kayo ng gayong may-takot-sa-Diyos na puso? (Hindi.) Kaya, sa anong konteksto kayo mawawalan ng ganitong kabatiran? Ito kaya ay sa konteksto ng ganap na kawalan ng isang may-takot-sa-Diyos na puso na mangangahas kayong pakialaman nang wala sa katwiran ang mga salita ng Diyos? Kung ganap na walang may-takot-sa-Diyos na puso ang isang tao, mangangahas siyang pakialaman nang wala sa katwiran ang mga salita ng Diyos, na binabago ang orihinal na kahulugan, ang paraan ng pananalita ng Diyos, at ang ninanais na epekto ng isang partikular na sipi ng mga salita ng Diyos, na tinatanggal ang mga layunin, buod, at diin ng sinasabi ng siping ito—lahat ng ito ay katumbas ng pakikialam.

Ilang taon na ang nakakalipas, sa isang pagkakataong nakasalamuha ko ang isang miyembro ng pangkat ng mga taga-ebanghelyo, nagtanong siya: “Kapag nagpapatotoo tungkol sa bagong gawain ng diyos sa isang tiyak na pangkat etniko, nakakaramdam sila ng pagkasuklam at ayaw nilang pakinggan ang mga bahagi kung saan inilalantad sila ng diyos, at mayroon silang mga kuru-kuro tungkol sa mga bahaging ito. Kaya’t ang mga salitang ito ay nagiging hadlang sa pagtanggap nila sa bagong gawain ng diyos. Iniisip naming ibahin ang mga salitang iyon. Kapag naiba na ang mga ito, magagawa na nilang tanggapin ang mga ito at hindi na sila magkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa bagong gawain ng diyos o sa pagkakatawang-taong ito ng diyos.” Ano ang palagay ninyo sa tanong na ito? Kung hindi dahil sa pagkakataong ito na magtagpo at talakayin ang gawain ng ebanghelyo, maaaring iniba na nila ang mga salitang ito. Marahil, ayon sa mga imahinasyon nila, tatlo, lima, sampu, o higit pang tao mula sa pangkat etnikong iyon ang maaaring tumanggap sa bagong gawain ng Diyos kung gayon. Pero isantabi muna natin iyan, ang mga nangangaral ng ebanghelyo ay palaging gustong baguhin ang mga salita ng Diyos para umayon sa mga kuru-kuro ng tao. Palagi nilang gustong tanggalin ang mga salita kung saan inilalantad at hinahatulan ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, kung saan inilalantad Niya ang diwa ng tiwaling sangkatauhan. Ano ang kalikasan ng gayong pag-uugali? Ang ganitong klase ng kilos ba ay sumasalamin sa may-takot-sa-Diyos na puso? (Hindi.) Sa Aking pananaw, hindi ito dahil sa ang mga tao ng isang partikular na pangkat etniko o denominasyon ay may mga kuru-kuro tungkol sa mga salita ng Diyos; pangunahing ang mga taong nangangaral ng ebanghelyo ang may mga kuru-kuro. Hindi pumapasa sa kanila ang mga salita ng Diyos; sinasalungat at tinututulan nila ang mga ito sa kaibuturan nila, ayaw nilang pakinggan at hindi nila gusto ang mga salitang ito mula sa Diyos. Naniniwala sila na kung talagang mga salita ito ng diyos, dapat ay mapagmahal ang mga ito at hindi inilalantad ng mga ito ang mga tao nang hayagan at direkta, na para bang sinasampal ang mukha nila. Kaya, mariin nilang iginigiit, na kung ipapangaral nila ang ebanghelyo, pwede bang alisin ang mga salitang ito? Para ipangaral ang ebanghelyo at makuha ang mga tao, pwede bang makipagkompromiso ang Diyos kahit isang beses lang, magsalita nang mas maingat at kaaya-aya? Para mas maraming tao ang tumanggap sa bagong gawain ng Diyos, para makapagdala ng mas maraming tao sa harap ng Diyos, pwede bang baguhin ng Diyos ang Kanyang estratehiya at paraan ng pananalita, magkompromiso Siya at magbigay-daan sa tiwaling sangkatauhan, yumuko, humingi ng paumanhin, at humingi ng kapatawaran? Kaya, ang problema ay pangunahing nasa mga manggagawa sa ebanghelyo, hindi sa mga tao ng anumang partikular na denominasyon. Nang hindi iniiba ang kahit isang salita o pangungusap ng mga salita ng Diyos, at dahil ang mga salita ng Diyos ay kayang magdulot ng mga kuru-kuro sa lahat ng tao, marami pa rin ang unti-unting lumalapit sa Diyos at tumatanggap sa Kanyang bagong gawain. Napigilan ba ng mga kuru-kuro nila ang pagtanggap nila sa bagong gawain ng Diyos? Hindi naman. Kung ang mga salitang ito na sinasabi ng Diyos ay hindi kailangan ng tao at hindi sumasalamin sa totoong kalagayan ng tao, magiging katanggap-tanggap na hindi tanggapin ng mga tao ang mga salita ng Diyos, at maaaring ikonsidera ng Diyos ang pagbabago sa Kanyang paraan ng pananalita at sa nilalaman ng Kanyang pananalita. Gayumpaman, ang bawat salita at pangungusap na sinasabi ng Diyos ay sumasalamin sa totoong sitwasyon ng tao at may kinalaman sa buhay pagpasok at kaligtasan ng tao. Kung ang mga tao ay may mga kuru-kuro at hindi kayang tanggapin ang mga ito, pinapatunayan nito na ang mga tao ay buktot, marumi, at napakalalim ng pagkatiwali, at na hindi sila karapat-dapat na lumapit sa Diyos. Hindi nito pinapatunayan na mali ang mga salita ng Diyos o na hindi ang katotohanan ang mga ito.

Ano ang dapat gawin sa tiwaling sangkatauhan na may mga kuru-kuro tungkol sa mga salita at gawain ng Diyos? Ang mga nangangaral ng ebanghelyo ay nadiligan na ng mga salita ng Diyos at napakinggan na nila ang mga ito sa loob ng napakaraming taon. Lalo na kung gaano karaming katotohanan ang nauunawaan ninyo, sa teorya lang, ang mga pangitain ng gawain ng Diyos, ang mga layunin ng Diyos, ang layon ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, ang gawain ng pagliligtas ng Diyos sa tao—hindi ba ninyo naunawaan, naalala, at naarok ang lahat ng aspektong ito ng katotohanan? Kung nasangkapan ka ng lahat ng ito, matatakot ka pa rin ba sa mga taong may mga kuru-kuro? Kung natatakot ka, dapat maagap mong linawin sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo; magpatotoo ka sa kanila tungkol sa mga layunin ng Diyos, ipaliwanag mo ang katotohanan nang malinaw! Kung matapos ang napakaraming taon ng pakikinig sa mga salita ng Diyos ay hindi mo pa rin maipaliwanag o mailinaw ang mga ito, ganap kang walang silbi! Ginagampanan mo ang tungkuling ito, at araw-araw ay tinatalakay mo ang mga paksa, nilalaman, usaping ito—bakit mo pa rin iisiping gumamit ng gayong kasuklam-suklam na pamamaraan tulad ng pakikialam sa mga salita ng Diyos para mangaral ng ebanghelyo at makakuha ng mga tao? Sa panlabas, ito ay tila isang pagkakamali lang, isang kasuklam-suklam na pamamaraan, isang pagpapakita ng kawalang-kakayahan, pero sa diwa, ito ay walang-dudang pagpapamalas ng diwa ng isang anticristo—wala nang iba pa. Ang mga tao ng Diyos ang siyang nagpapahalaga sa salita ng Diyos, nagmamahal sa salita ng Diyos, natatakot sa salita ng Diyos, gumagalang sa bawat salita at pangungusap na winiwika ng Diyos pati na rin kung paano Siya magsalita, ang kuru-kuro sa sinasabi Niya, at kung ano ang sinasabi Niya sa bawat sipi. Ang mga kaaway lamang ng Diyos ang madalas na manuya at mangutya sa Kanyang mga salita. Hinahamak nila ang mga ito. Hindi nila itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan, bilang mga salitang ipinahayag ng Lumikha. Kung kaya, sa kanilang mga puso, madalas nilang hinahangad na baguhin ang mga salita ng Diyos at ipaliwanag ang mga ito nang walang katwiran. Tinatangka nilang gamitin ang kanilang mga pamamaraan, ang paraan ng kanilang mga pag-iisip at ang lohika ng kanilang pag-iisip upang baguhin ang mga salita ng Diyos, upang umayon ang mga ito sa mga tiwaling kagustuhan ng tao, mga tiwaling kuru-kuro ng tao, at tiwaling paraan ng pag-iisip at pilosopiya ng tao, sa pagsisikap na makamit sa huli ang pagkilala mula sa mas maraming tao. Ang salita ng Diyos ay salita ng Diyos, saanmang bahagi ito sa mga salita ng Diyos, sa paanong paraan man ito sinalita, at sa alinmang kuru-kuro ito winiwika. Upang ang tiwaling sangkatauhan ay mas maging handang makaunawa, mas magpahalaga, at mas madaling magkamit ng salita ng Diyos, upang maunawaan nila ang katotohanan sa Kanyang mga salita, madalas na gumagamit ang Diyos ng mga wika ng tao, mga pamamaraan ng tao, maging ang mga paraan, tono ng pananalita, at pasalitang lohika na mas madali para sa mga taong maunawaan, para ipaliwanag ang Kanyang mga layunin at sabihin sa sangkatauhan kung ano ang dapat nilang pasukin. Gayunman, ang mismong mga pamamaraang ito na hindi kapansin-pansin at itong tonong hindi kapansin-pansin, at iba’t ibang salitang hindi kapansin-pansin ang siyang sinasamantala ng mga anticristo upang kondenahin ang Diyos at itanggi na ang Kanyang salita ay katotohanan. Ganito nga ba ang nangyayari? (Oo.) Madalas na gumagamit ang mga anticristong ito ng kaalaman at ng mga gawain ng mga kilalang tao, maging ng mga talumpati, diksiyon, at pag-uugali ng mga kilalang tao, para ikumpara sa mga salita ng Diyos. Habang mas naghahambing sila, lalo rin nilang nararamdaman na ang mga salita ng Diyos ay masyadong mababaw, masyadong tuwiran, masyadong kolokyal. Kaya, lalo nilang gustong ibahin ang mga salita ng Diyos, para “itama” ang mga ito, pati na rin para “itama” ang tono, estilo, at perspektiba ng pananalita ng Diyos. Paano man magsalita ang Diyos o gaano man karaming kapakinabangan ang dala ng Kanyang mga salita sa tao, sa puso ng mga anticristo, hindi nila kailanman itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan. Hindi nila hinahanap ang katotohanan, ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, o ang landas para sa buhay pagpasok sa mga salita ng Diyos. Sa halip, patuloy nilang tinitingnan ang mga salita ng Diyos mula sa perspektiba ng pagsisiyasat, nang may saloobin ng pag-aaral, nang may saloobin ng masusing pagsisiyasat at pag-iimbestiga. Pagkatapos ng lahat ng pagsisiyasat at pag-iimbestiga, nararamdaman pa rin nilang marami sa mga salita ng Diyos ang kailangang baguhin at amyendahan. Kaya, para sa mga anticristo, mula sa araw na una nilang nakatagpo ang mga salita ng Diyos hanggang ngayon—matapos maniwala sa loob ng sampu, dalawampu, o tatlumpung taon—sa kaibuturan nila, hindi pa rin sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ay naglalaman ng buhay, ng katotohanan, ng pintuan papunta sa kaharian o ng landas patungo sa langit na binabanggit ng mga tao. Hindi nila ito makita, at hindi nila ito matuklasan. Kaya, ano ang nararamdaman nila? Nagtataka sila kung bakit habang mas naniniwala sila, lalo rin nilang nararamdaman na masyadong kolokyal ang mga salita ng Diyos. Nagtataka sila kung bakit habang mas naniniwala sila, lalo rin silang nawawalan ng interes sa mga salita ng Diyos. Nagsisimula silang magduda kung tunay bang ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Anong uri ng tanda ito? Isang mabuting tanda o isang masamang tanda? (Isang masamang tanda.) Talagang isang himala na naniwala sila sa Diyos hanggang sa puntong ito! Walang patutunguhan ang kanilang paniniwala, ganap silang nawalan ng kabatiran sa katotohanan. Hindi ba’t ito na ang wakas ng pananampalataya nila?

Napansin ba ninyo ang katunayang ito? Mula sa araw na nagsimulang maniwala ang lahat sa Diyos, magbasa ng Kanyang mga salita, iwanan ang kanilang pamilya, propesyon, pag-aaral, at mga plano sa mundo, ang lahat ay nasa parehong simula ng karera. Pero, hindi napapansin na sa panahon ng karera, may ilang tao na napag-iwanan at hindi na gusto pang gampanan ang tungkulin nila. Saan sila nagpunta? Ang ilan ay nailipat sa Pangkat B, ang iba ay sa mga ordinaryong iglesia, at may ilang halos hindi na makayanang manatili sa isang iglesia na part-time. Ang mga ayaw gumampan ng tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos at mga naging pakay ng pagpapaalis, na hindi na kalipikadong gumampan ng tungkulin nila—bakit sila humantong sa kinalalagyan nila ngayon? Kung susubukan mong intindihin ang saloobin nila sa Diyos gamit ang mga mata ng tao, hindi mo ito makikita dahil hindi mo alam kung ano ang nasa puso nila. Kung minamahal o kinamumuhian nila ang Diyos, kung sila ay lumalaban o nagpapasakop sa Kanya, hindi mo malalaman. Kaya, paano mo matutukoy ang disposisyong diwa ng isang tao? Madali lang: Tingnan mo lang ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos. Ang grupong ito ng mga tao ay may iisang katangian pagdating sa saloobin nila sa mga salita ng Diyos: Anuman ang sitwasyon, hindi nila nararamdaman ang pangangailangan na matustusan ng mga salita ng Diyos. Kahit anong mga pagsubok ang hinaharap nila, hindi nila hinahanap ang mga prinsipyo o ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong ito ay bihirang magbasa ng mga salita ng Diyos, at nakakaramdam pa nga sila ng pagkasuklam kapag nagdadasal-nagbabasa ang isang tao ng mga salita ng Diyos o nagbabahagi tungkol sa pagkaunawa nila sa mga ito. Paano sila nagpapakita ng pagkasuklam? Iniisip nila, “Alam ko na ang lahat ng sinasabi mo; hindi mo na kailangang sabihin iyan. Nabasa ko na dati ang mga salitang ito ng diyos; nauunawaan ko ang lahat.” Kung nauunawaan nila ang lahat, bakit sila napaalis? Bakit sila nailipat sa Pangkat B? Ano ang nangyayari? Ang ugat ay na pangunahing hindi tinatanggap ng mga taong ito ang mga salita ng Diyos; sila ay nasusuklam at mapanlaban sa mga ito. Maisasagawa ba ng isang tao ang mga salita ng Diyos kung siya ay nasusuklam at mapanlaban sa mga ito? Kapag sasabihin mo sa kanila, “Kung maharap ka sa isang sitwasyon, dapat mong basahin ang mga salita ng Diyos!” ano ang saloobin nila? Ano ang mga partikular nilang reaksyon? (Sasabihin nila na ang mga praktikal na problema ay nangangailangan ng mga praktikal na solusyon; hindi na kailangan pang basahin ang mga salita ng Diyos.) Iniisip nilang ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay isang malabong pamamaraan, at na ang mga praktikal na problema ay humihingi ng mga praktikal na solusyon. Ito ang tono ng isang anticristo. Ano ang ibig nilang sabihin? “May sariling mga paraan ang mga tao; ano ang silbi ng pagbabasa ng mga salita ng diyos? Tingin mo ba ay malulutas ng mga salita ng diyos ang lahat?” Iniisip nila na kung ang isang tao ay nakakaranas ng kaunting suliranin, ito ay isang suliranin lang, at hindi talaga ito sumasalamin sa panloob na kalagayan o disposisyon ng taong iyon. Hindi nila ito nakikita, ni hindi nila ito kinikilala bilang katunayan. Naniniwala sila na, “Ang mga suliranin ng tao ay parang isang makina na nawawalan ng isang tornilyo; ilagay mo lang ang tornilyo, at maaayos na ito. Bakit kailangan pang hanapin ang mga salita ng diyos? Iyon ay pawang pekeng espirituwalidad. Hindi ko gagawin iyon kailanman; kamangmangan iyon! Tingin mo ba ay malulutas ng mga salita ng diyos ang lahat? Hinding-hindi ganoon iyon.” Malinaw na isa itong taong hindi tumatanggap sa katotohanan. Bukod pa rito, kapag ang ilang tao ay nahaharap sa mga isyu, at nagbabahagi ka sa kanila upang makatulong, binabasahan sila ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, tumutugon sila pagkatapos makinig: “Kabisado ko na ang siping iyan, maraming beses ko na itong binigkas. Bakit mo pa ito sinasabi sa akin? Mas nauunawaan ko pa ito kaysa sa iyo, at wala itong silbi, hindi nito malulutas ang problema ko!” Ano ang isyu rito? (Hindi nila tinatanggap ang katotohanan.) Hindi nila tinatanggap ang katotohanan at ayaw nilang kilalanin ang sarili nilang katiwalian, na siyang isang problema. Hindi nila inaamin ang katiwalian nila, kaya iniisip nila na ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay pagraos lang ng gawain, na wala itong silbi. Gusto nilang makahanap ng mabilisang lunas, ng isang mahimalang lunas para malutas ang mga problema nila, at ang diwa ng isyung ito ay isang pagtanggi na tanggapin ang katotohanan.

Tungkol sa pagpapamalas na ito ng pakikialam at pagbibigay-kahulugan sa mga salita ng Diyos, mayroon ba kayong mga halimbawa? (Noong ginagawa ang ika-20 na video ng album ng koro, sinabi ng Diyos na isa-isang ilista ang mga kasulatan sa screen. Noong panahong iyon, naisip ng ilang kapatid na masyadong mahaba ang mga kasulatan at binura nila ang ilang parirala. Kalaunan, natuklasan ng Diyos ang isyung ito at hinimay Niya ito nang labis na mahigpit, sinabing ito ay paglapastangan sa mga salita ng Diyos.) Tungkol naman sa mga orihinal na salita ng Diyos na nakatala sa Bibliya, ang mga iyon ay mga salita ng Diyos at hindi dapat ibahin ng mga tao, at gayundin sa mga propesiya ng ilang propeta; mga salita rin ng Diyos ang mga ito, ang Diyos ang inspirasyon sa mga ito at hindi rin dapat baguhin ang mga ito. Sa Aking pananaw, bagama’t ang mga salitang ito ay wala na sa orihinal na wika at mga isinalin na, ang kahulugan ng isinaling teksto ay naging higit na tumpak sa loob ng maraming taon ng mga pagbabago. Dapat mo itong kilalanin. Samakatwid, ang mga salitang ito, kung gagamitin sa regular na pagbabahaginan, ay hindi kailangang ilahad nang buo; sapat nang maipahayag ang buod. Gayumpaman, hindi dapat baguhin ang mga aktuwal na katunayan. Kung magsisipi, ang mga orihinal na kumpletong pangungusap ang dapat na kunin. Ano ang palagay ninyo sa prinsipyong ito? (Maganda ito.) Bakit ito gagawin sa ganitong paraan? Sinasabi ng ilang tao, “Nakaraan na ang lahat ng iyan, kailangan ba nating maging masyadong seryoso?” Hindi, tungkol ito sa isang saloobin, isang pag-iisip. Sa nakaraan man, kasalukuyan, o hinaharap, ang mga salita ng Diyos ay mga salita ng Diyos at hindi dapat ipantay sa mga salita ng tao. Dapat tratuhin ng mga tao ang mga salita ng Diyos nang may mahigpit na saloobin. Pagkatapos maisalin ang Bibliya mula sa orihinal na teksto patungo sa iba’t ibang wika, maaaring hindi tumugma nang eksakto sa orihinal ang ilang kahulugan, o maaaring may mga pagkakaiba sa pagitan ng pangungusap na isinalin at ng orihinal na teksto. Maaaring magdagdag ang mga tagasalin, “Tandaan: ganito ganyan,” o maglagay sa loob ng mga panaklaw, “O isinalin bilang….” Tingin ba ninyo, ang lahat ng taong nagsalin ng mga orihinal na teksto ng Bibliya ay mga mananampalataya sa Diyos? (Hindi lahat.) Tiyak na hindi sila mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, kaya bakit nila napapangasiwaan ang gampaning ito nang may gayong katumpakan? Tinatawag ito ng mga walang mananampalataya bilang pagiging propesyonal, pero dapat itong tawagin ng mga mananampalataya sa Diyos bilang pagkakaroon ng isang may-takot-sa-Diyos na puso. Kung wala ka man lang ng ganitong labis na may-takot-sa-Diyos na puso, isa ka pa rin bang mananampalataya sa Diyos?

Dapat kang magkaroon ng tapat na saloobin sa mga salita ng Diyos, at kapag ikaw ay nakikipagtipon at nakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, pagkatapos mong basahin ang mga ito, pwede mong isama ang mga personal mong karanasan habang tinatalakay mo ang kaalaman mo at ang natutunan mo mula sa mga karanasang ito. Gayumpaman, hindi mo dapat ituring ang mga salita ng Diyos bilang sarili mong mga pribadong akda at bigyang-kahulugan ang mga ito ayon sa iyong nais. Hindi ka kailangan ng mga salita ng Diyos para ipaliwanag mo ang mga ito, ni hindi mo maipaliliwanag ang mga ito nang malinaw o naiintindihan. Sapat nang mayroon kang kaunting kaliwanagan at pagtanglaw o karanasan, ngunit ang subukang ipaliwanag ang katotohanan, o ang subukang gamitin ang iyong paliwanag upang maunawaan ng mga tao ang kalooban ng Diyos ay imposible. Ito ay maling paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Halimbawa, nabasa ng ilang tao sa mga salita ng Diyos na mahal ng Diyos ang matatapat na tao. Minsang sinabi ng Diyos sa tao, “Ang magiging pananalita ninyo’y, Oo, oo; Hindi, hindi; sapagka’t ang humigit pa rito ay buhat sa masama” (Mateo 5:37). Ngayon, ang mga salita ng Diyos ay panawagan din sa mga tao upang maging matapat. Kung gayon, ano ang tamang saloobin na dapat taglayin sa mga salita at hinihingi ng Diyos? Maghanap sa mga salita ng Diyos: Sinabi ng Diyos, “Ang magiging pananalita ninyo’y, Oo, oo; Hindi, hindi.” Kung gayon, paano ba mismo umaasal ang matatapat na tao sa paningin ng Diyos? Paano magsalita ang matatapat na tao, paano sila kumilos, paano nila hinaharap ang kanilang tungkulin, at paano sila maayos na gumagawa kasama ng iba? Dapat hanapin ng mga tao sa mga salita ng Diyos ang mga alituntunin at landas ng pagsasagawa na ito at dapat silang maging tapat na mga taong hinihingi Niya. Ito ang tamang saloobin, ang saloobing dapat taglayin ng mga naghahangad sa katotohanan. Kaya paano umaasal ang mga hindi naghahanap o nagmamahal sa katotohanan, at ang mga may pusong walang takot sa Diyos at sa Kanyang mga salita? Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, iniisip nila, “Hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao; iyon ang sinabi ng Panginoong Jesus dati. Ngayon, sinasabing muli ng Diyos sa mga tao na maging matapat. Alam ko na ito—hindi ba’t ang matatapat na tao ay iyong mga taos-puso? Hindi ba’t tulad ito ng sinasabi ng mga tao, na ang mga taong taos-puso ay palaging nananaig, na payapa ang buhay ng mabubuti, at na kasalanan ang dayain ang mga taos-puso? Masdan mo, iwinawasto ng Diyos ang mga kawalang-katarungan na dinanas ng mga taos-puso.” Ang mga salitang ito ba ang katotohanan? Ang mga ito ba ang mga katotohanang prinsipyong natukoy nila mula sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Kaya ano ang mga salitang ito? Maaari bang tawagin ang mga ito na maling pananampalataya at isang panlilinlang? (Maaari.) Ang mga walang espirituwal na pang-unawa o hindi nagmamahal sa katotohanan ay palaging iniuugnay ang mga salita ng Diyos sa kung ano ang pinaniniwalaan ng sangkatauhan na nakalulugod sa tainga at tama. Hindi ba’t ibinababa nito ang halaga ng mga salita ng Diyos? Hindi ba’t ginagawa nitong parang isang uri ng islogan sa sangkatauhan ang katotohanan, isang argumento sa kung paano umasal? Nananawagan ang Diyos sa mga tao na maging matapat, ngunit binabalewala ng mga taong ito kung paano umasal ang mga tapat, kung paano maging tapat, at kung ano ang mga panuntunan ng pagiging tapat, at walang kahihiyang inihahayag na hilingin ng Diyos sa mga tao na ang mga ito ay maging taos-puso, at na ang mga taong taos-puso, inutil, at hangal ay pawang matapat. Hindi ba’t isa itong maling pakahulugan sa mga salita ng Diyos? Mali ang pakahulugan nila sa mga salita ng Diyos, ngunit iniisip pa rin nila na sila ay napakatatalino, kasabay nito ay iniisip nila na ang mga salita ng Diyos ay hindi hihigit dito: “Hindi ganoon kalalim ang katotohanan, hindi ba’t tungkol lang ito sa pagiging taong taos-puso? Simple lang ang maging isang taong taos-puso: Huwag magnakaw at huwag murahin ang mga tao o manakit ng iba. ‘Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.’ Maging mabait sa iba sa lahat ng bagay, maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba, maging mabuting tao, at payapa ang buhay ng mabubuti.” Marami silang sinasabi, ngunit wala sa mga iyon ang naaayon sa katotohanan; ang mga iyon ay walang iba kundi mga maling pananampalataya at mga panlilinlang. Tila nagtataglay iyon ng ilang kaugnayan sa mga salita ng Diyos, tila mayroong itong kaunting koneksiyon sa mga ito, ngunit pagkatapos pagnilayan at kilatisin ng isang tao ang naturang usapin, napagtatanto niyang ito ay walang iba kundi panlilihis, walang iba kundi mga panlilinlang na gumugulo sa isipan ng mga tao. Halimbawa, sinasabi ng Diyos na may pagmamahal sa Kanyang diwa, na mahal Niya ang tao. Ang pagmamahal ng Diyos sa tao ay ipinapakita sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga sinasabi, sa paraan ng Kanyang pagtrato sa tao, sa Kanyang mga maingat na pagsusumikap na iligtas ang tao, at sa iba’t ibang aspekto ng Kanyang paggawa sa tao, at kasabay ng pagpapakita ng Kanyang pagliligtas sa tao, ang layunin ng Diyos at ang mga paraan kung paano Niya inililigtas ang tao ay naipapakita rin para malaman ng mga tao ang pagmamahal ng Diyos. Ano ang iniisip ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa? “Ang diyos ay diyos na nagmamahal sa tao, nais ng diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw Niyang mapahamak ang sinuman. Sinabi ng diyos na ang nagbalik-loob na alibughang anak ay higit pa sa ginto.” Sinabi ba ito ng Diyos? Ito ba ang mga orihinal na salita ng Diyos? (Hindi.) Ano pa ang sinasabi nila? “Ang pagliligtas ng isang buhay ay higit pa sa pagbuo ng isang pitong-palapag na pagoda” at “Ang Buddha ay mabait.” Hindi ba’t binabaliktad nila ang mga bagay-bagay? Malinaw na nagkukunwari lang silang espirituwal, na nauunawaan nila ang mga salita ng Diyos, at na minamahal nila ang katotohanan; halatang sila ay mga tagalabas, karaniwang tao, at hangal na walang espirituwal na pang-unawa. Marami na Akong nakilalang gayong tao—sila ay mga padalos-dalos, matapang magsalita pero walang utak, ang mga kaisipan at mga lumilitaw sa isipan nila ay pawang mga maling pananampalataya, panlilinlang, at panghuhuwad. Ang mga may mga pinakamataas na kapangyarihang ilihis ang iba at madalas na nagagamit ang mga maling pananampalataya at panlilinlang at ilang tila tamang teolohikal na argumentong ito para ilihis ang iba, pinipilit ang iba na sundin at isagawa ang sinasabi nila—mga anticristo ang mga taong ito. Sa panlabas, tila napaka-espirituwal nila, madalas na nag-uulit ng mga sipi ng mga salita ng Diyos sa harap ng iba, at kapag tapos na silang bigyang-kahulugan nang wala sa katwiran ang mga ito, naglalabas sila ng mga maling pananampalataya at panlilinlang. Ang mga gayong tao ay matatagpuan sa bawat iglesia. Tinutulungan at pinapangunahan nila ang mga tao habang diumano’y nagsisipi at nakikipagbahaginan sa mga salita ng Diyos, pero ang totoo, ang itinuturo nila sa mga tao ay hindi ang hinihingi ng mga salita ng Diyos sa tao, ni hindi ang mga katotohanang prinsipyo na nilalaman ng mga salita ng Diyos, kundi sa halip mga maling pananampalataya at panlilinlang na binuo nila sa pamamagitan ng pagpoproseso, pagbibigay-kahulugan, at pagbubuo ng imahinasyon batay sa mga salita ng Diyos, na nagiging sanhi ng paglihis ng mga tao mula sa mga salita ng Diyos at sa halip ay pagsunod sa kanila, na nagiging sanhi ng kaguluhan at pagkalihis ng mga tao. Halimbawa, may mga nagsasabi: “Sa paggawa ng kanyang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala, naranasan na ng diyos ang pag-abandona at paglaban ng buong sangkatauhan; ang diyos ay diyos, at walang hangganan ang kanyang puso! Tulad ng sinasabi ng mga tao, ‘Maaaring maglayag ang isang bangka sa lawak ng puso ng isang punong ministro,’ at ‘Hindi pa huli ang lahat para maghiganti ang isang maginoo.’ Napakadakila ng diyos!” Sa panlabas, tila nagpapatotoo sila sa Diyos at sa kung ano ang mayroon ang Diyos at sa kung ano ang Diyos sa mga tao, pero anong mensahe talaga ang naibabahagi nila? Ito ba ang katotohanan? Ito ba talaga ang diwa ng Diyos? (Hindi.) Kanino sila nagpapatotoo? Nagpapatotoo sila sa punong ministro. Inihahalintulad nila ang Diyos sa isang punong ministro, sa isang ginoo—hindi ba’t kalapastanganan ito? Makikita ba ang gayong mga salita sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Saan nagmula ang mga salitang ito? Mula kay Satanas. Bukod sa hindi nagpapatotoo para sa Diyos ang mga anticristo, binabaluktot din nila ang mga katunayan at nilalapastangan nila ang Diyos, madalas inililihis ang mga walang pundasyon, ang mga walang tunay na pananampalataya sa Diyos, at ang mga walang kakayahang maunawaan ang katotohanan. Ang mga taong ito ay mababa ang tayog, walang pundasyon, at walang kakayahang maarok ang katotohanan, at kaya nalilihis sila ng mga maling pananampalataya at panlilinlang na ito. Itinuturing ng mga anticristo ang mga maling pananampalataya at panlilinlang bilang mga espirituwal na kasabihan, at ang isang bagay na sinasabi nila tungkol sa pagmamahal ng Diyos ay, “Nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw Niyang mapahamak ang sinuman.” Kapag nagsasalita tungkol sa hinihingi ng Diyos sa tao, ang isa pang bagay na sinasabi nila ay, “Payapa ang buhay ng mabubuti.” At tungkol sa hindi pag-alala ng Diyos sa mga pagsalangsang ng mga tao at sa pagbibigay Niya sa kanila ng isang pagkakataong magsisi, sinasabi nila, “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Makikita ba ang mga gayong salita sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Bakit Ako lubos na nagagalit sa sandaling marinig Ko ang mga salitang ito? Bakit Ako lubhang nababahala sa mga ito? Bakit Ako nayayamot nang sobra? Ilang taon na bang binabasa ng mga taong ito ang mga salita ng Diyos? Mapurol ba ang isip nila, o nabaliw na ba sila? Saan sa mga salita ng Diyos nabanggit ang mga gayong bagay? Kailan hiningi ng Diyos na maging taos-puso ang mga tao? Kailan hiningi ng Diyos na sumunod ang mga tao sa kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari”? Ito ba ang ginagawa ng Diyos? Saan, sa mga maling pananampalataya at panlilinlang na itinataguyod nila, maaaring makita ang anumang kaugnayan sa hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, sa Kanyang mga layunin, at sa mga katotohanang prinsipyo? Ganap na walang kaugnayan ang mga ito. Halimbawa, hinahayaan ng Diyos na magkaroon ang mga tao ng mga mithiin, kalooban, at hangarin, pero ang sinasabi ng mga anticristo ay: “Hinihikayat tayo ng diyos na magkaroon ng mga hangarin. May isang kasabihan na naglalarawan nito nang maayos: ‘Ang isang sundalo na hindi nais maging heneral ay hindi isang mabuting sundalo.’” Ang kasabihang ito ay isang uri ng panlipunang kalakaran, isang panlipunang pananaw—angkop ba itong gamitin sa sambahayan ng Diyos? Ito ba ay kapaki-pakinabang? (Hindi.) Alin sa mga salita ng Diyos ang umaayon sa pahayag na ito? Nauugnay ba ito sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon, bakit sinasabi ito ng mga anticristo? Ang layon nila sa pagsasabi nito ay para iparamdam nang malalim sa mga tao na napaka-espirituwal nila, na may pagkaunawa at kaliwanagan sila mula sa mga salita ng Diyos, na may kakayahan silang maarok ang katotohanan, at na hindi sila mga ignorante at ordinaryong tao. Pero natutupad ba nito ang inaasahan nilang layunin? Kapag naririnig ninyo ang mga salitang ito, nakakaramdaman ba kayo ng pagsang-ayon o pagkasuklam sa inyong puso? (Pagkasuklam.) Sa anong paraan kayo nakakaramdam ng pagkasuklam dito? (Inuugnay ng mga anticristo ang mga panlilinlang ni Satanas sa mga salita ng Diyos, kaya nagkakamali sila ng pagkaunawa sa mga ito. Walang espirituwal na pang-unawa ang lahat ng salitang sinasabi nila.) Nagsasabi lang ang mga anticristo ng mga salitang sumasalamin sa kawalan ng espirituwal na pang-unawa, na nagiging sanhi ng pagkasuklam at pagtutol ng mga tao kapag naririnig nila ang mga ito. Malinaw na hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, hindi nila maarok ang mga ito, at wala silang kakayahan at abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos, subalit nagpapanggap silang nauunawaan nila ang mga ito at walang kahihiyang binibigyang-kahulugan ang mga ito sa iba, na nagsasabi ng mga di-kaugnay at amatyur na salita na nagiging sanhi ng pagkasuklam ng mga tao, na walang naidudulot na pagpapatibay, at sa halip ay nakakagulo sa mga kaisipan ng mga tao. Talagang kasuklam-suklam ito! Ano ang dapat ninyong gawin kapag nakatagpo kayo ng gayong mga tao? (Dapat nating himayin ang mga nakalilinlang na bahagi sa sinasabi nila.) Paano ninyo ito dapat na gawin? Sa katunayan, napakadali lang nito. Sabihin mo sa kanila: “Ang pagkaarok mo sa mga salita ng Diyos pagkatapos mong basahin ang mga ito ay parang walang katuturan sa akin.” Sasagot sila, “Parang hindi naman, pakiramdam ko ay mabuti ito.” Sasabihin mo, “Iniisip mong mabuti ito ano man ang mangyari, kaya batay sa pangangatwiran mo, ibig sabihin ba na ang mga salita ng Diyos ay katumbas ng mga maling pananampalataya at panlilinlang ng tao? Kung sumasang-ayon ka sa mga maling pananampalataya at panlilinlang na ito, bakit mo pa binabasa ang mga salita ng Diyos? Hindi mo na kailangang basahin ang mga ito. Malubha na ngayon ang problema mong ito—itinuturing mo ang mga salita ng Diyos bilang pilosopiya ng buktot na sangkatauhan para sa mga makamundong pakikitungo, bilang mga pamamaraan ng pangangasiwa sa mga bagay at pananaw ng buktot na sangkatauhan. Sa pananaw mo, ang matatapat na taong sinasabi ng Diyos ay pareho lang sa mga taong taos-puso, sobrang hangal, at uto-uto. Binibigyang mo ng kahulugan ang bawat salitang binigkas ng Diyos gamit ang mga terminolohiya ng tao, ipinapantay ang mga ito sa mga panlilinlang at kasabihang binuo ng buktot na sangkatauhan. Ibig mo bang sabihin, kung gayon, na ang mga salita ng Diyos ay mga salita ng tao, wika ng tao, at mga maling pananampalataya at panlilinlang ng tao? Sa ganitong paraan ng pag-unawa sa mga salita ng Diyos, hindi mo naaarok ang mga ito; nilalapastangan mo ang mga ito at nilalapastangan mo ang Diyos.” Kaya ba ninyong lahat na sabihin nang malinaw ang mga salitang ito? Kung ang kahulugan ng mga salita ng Diyos ay katulad ng sinasabi ng mga anticristo, bakit hindi na lang direktang sabihin ng Diyos ang mga salitang iyon? Kapag sinasabi ng Diyos sa mga tao na maging matapat, bakit hindi na lang Niya sabihin sa kanila na maging taos-puso at maging mabubuting tao at tapusin na roon? Ito ba ay pagkakaiba lang sa pagpili ng mga salita? (Hindi.) Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at nakapaloob sa mga ito ang isang landas para sa pagsasagawa ng mga tao. Kung ang mga tao ay kumikilos at namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, pwede silang maging mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, mga taong naaayon sa mga layunin ng Diyos. Samantala, ang pagkilos at pamumuhay ayon sa sinasabi ng mga tao ay nagiging sanhi para maging ganap na malabo ang isip ng isang tao, maging isang ganap na buhay na Satanas. Naiintindihan ba ninyo ang puntong ito? Ano ang magiging resulta kung kikilos at magsasagawa kayo ayon sa sinabi ng Diyos na maging matapat na tao? At ano ang magiging resulta kung kikilos at mamumuhay kayo ayon sa sinasabi ng mga tao na mabuti o taos-pusong tao? Hindi ba’t magiging iba ang mga resulta? (Oo.) Kaya, ano ang resulta ng pamumuhay bilang isang matapat na tao? (Pagkakaroon ng normal na pagkatao, kakayahang sumamba sa Diyos, pagiging prangka, at kakayahang maging diretsahan at bukas sa Diyos. Kung aasal ang isang tao bilang taos-puso o mabuting tao ayon sa depinisyon ng mga tao, nagiging mas tuso at bihasa sila sa pagbabalatkayo, nagsasalita lang sila ng mga kaaya-ayang salita, namumuhay sila ayon sa pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo, at sila ay nagiging isang buhay na Satanas.) Kita mo, may pagkakaiba, hindi ba? Ang pagkilos at pamumuhay ayon sa tinatawag ng Diyos na isang matapat na tao ay mas nagpapadalisay sa puso ng isang tao; nagiging bukas sa Diyos ang puso nila, at nagagawa nilang ibigay ang puso nila sa Diyos nang walang pagbabalatkayo, pandaraya, o panghuhuwad. Hindi nagtatago ang puso nila mula sa Diyos kundi nakabukas lang ito sa Kanya; kung ano ang kanilang iniisip sa loob nila ay naipapakita at naisasabuhay sa panlabas, at kung ano ang naipapakita at naisasabuhay sa panlabas ay katugma ng nasa loob nila. Ito ang nais ng Diyos; ito ang katotohanan. Sa kabilang banda, ano ang mga prinsipyo ng pag-asal at prinsipyo ng pagsasagawa para sa mga tinatawag ng mga tao na taos-puso o mabuti? Sa katunayan, pagpapanggap ang lahat ng ito. Hindi nila agarang sinasabi kung ano ang iniisip nila, ni hindi nila hinahayaang makita ito ng iba. Hindi nila sinasaktan nang walang pakundangan ang pagpapahalaga sa sarili o mga interes ng iba, pero ang hindi pananakit sa iba ay para din sa pag-iingat sa sarili nila. Maingat sila sa panloob at nagbabalatkayo sa panlabas, tila partikular silang deboto, mapagparaya, mapagpasensya, at mahabagin. Pero walang nakakakita kung ano ang iniisip nila sa panloob; mayroong katiwalian, paglaban, at paghihimagsik sa loob nila, pero hindi ito makita ng iba. Sa panlabas, nagpapanggap sila na labis silang nakapagpapatibay, banayad, at mabait. Kahit gaano karaming masamang bagay ang ginagawa nila, o kahit gaano sila kamapanghimagsik o kabuktot sa panloob, walang nakakaalam. Sa panlabas, handa rin silang tumulong sa iba at magbigay sa nangangailangan, palaging handang tumugon, isang tunay na buhay na Lei Feng. Ngumingiti sila at ipinapakita nila sa iba ang kanilang pinakamagandang katangian sa lahat ng oras, at kahit gaano sila lumuluha sa pribado, palagi silang nakangiti sa harap ng iba, na pinaparamdam sa mga tao na napapatibay sila. Hindi ba’t ito ang tinatawag ng mga tao na isang mabuting tao? Kung ihahambing ang mabuting taong ito sa isang matapat na tao, alin ang positibo? Alin ang may katotohanang realidad? (Ang matapat na tao.) Taglay ng mga matapat na tao ang katotohanang realidad, minamahal sila ng Diyos, at sumusunod sila sa mga pamantayan ng Diyos ayon sa hinihingi Niya, samantalang ang mga mabuti at taos-pusong tao ay hindi; sila mismo ang uri ng mga tao na kinokondena at itinataboy ng Diyos. Kapag binibigyang-kahulugan ng mga anticristo nang wala sa katwiran ang matatapat na tao na hinihingi ng Diyos bilang mga mabuti o taos-pusong tao lang, hindi ba’t isa itong uri ng di-halatang pagkondena sa sinabi ng Diyos? Hindi ba’t paglapastangan ito sa mga salita ng Diyos? Hindi ba’t paglapastangan ito sa katotohanan? Isa itong malinaw na katunayan. Hindi nauunawaan ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, lalong hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, subalit gumagamit sila ng mga maling argumento at bulag na inilalapat ang sarili nilang mga pakahulugan, nagpapanggap na nakakaunawa kahit wala silang kaalam-alam, lubhang binibigyan ng maling kahulugan ang mga salita ng Diyos ayon sa kagustuhan nila, at nililihis at ginugulo ang iba. Kikilos ba kayo nang ganito? Ang pagpapanggap ng isang tao na nauunawaan niya ang mga salita ng Diyos kahit malinaw naman na hindi niya nauunawaan ang mga ito at, batay sa literal niyang pag-unawa, paggamit ng kanyang sariling bokabularyo, mga pagpapahayag, at mga pananaw para bigyang-kahulugan at limitahan ang mga salita ng Diyos—ito ang disposisyon ng isang anticristo.

Ano ang pagkakaiba ng nilalaman sa pagitan ng mga salita ng Diyos at ng tao, at sa pagitan ng katotohanan at doktrina? Ang mga salita ng Diyos ay nagdudulot sa mga tao na mas magkaroon ng katwiran at konsensiya, kumilos nang may prinsipyo, at mas mapuno ng realidad ng mga positibong bagay ang pamumuhay nila. Ang mga salita ng tao, sa kabilang banda, ay maaaring magmukhang ganap na nababagay sa kagustuhan at kuru-kuro ng mga tao, ngunit ang mga ito ay hindi ang katotohanan, puno ang mga ito ng mga patibong, tukso, at erehiya at panlilinlang, at kung kikilos ang mga tao ayon sa mga salitang ito, ang pamumuhay nila ay mas malalayo sa Diyos, at sa mga pamantayan ng Diyos. Ang mas malala, mas magiging masama at katulad kay Satanas ang paraan ng pamumuhay ng mga tao. Kapag ganap na nabubuhay at kumikilos ang mga tao ayon sa mga erehiya at panlilinlang ng tao, kapag tinanggap nila nang buong-buo ang mga argumentong ito, nabubuhay silang katulad ni Satanas. At hindi ba’t ang pamumuhay ng gaya ni Satanas ay nagpapahiwatig na sila si Satanas? (Oo.) “Matagumpay” silang naging isang buhay na Satanas. Sinasabi ng ibang tao, “Hindi ako naniniwala. Gusto ko lang maging isang taong taos-puso na nagugustuhan ng iba. Nais kong maging isang taong itinuturing ng karamihan na mabuti, at pagkatapos ay titingnan ko kung kinalulugdan ako ng Diyos o hindi.” Kung hindi ka naniniwala sa sinasabi ng Diyos, humayo ka at tingnan, at—alamin kung ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, o kung ang mga kuru-kuro ng tao ang katotohanan. Ito ang pagkakaiba ng diwa ng mga salita ng Diyos at ng mga salita ng tao. Ito ang mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng katotohanan at mga erehiya at panlilinlang. Paano man umaangkop sa panlasa ng tao ang mga erehiya at panlilinlang, hindi nila maaaring maging buhay ang mga ito; samantala, gaano man kadaling unawain ang mga salita ng Diyos, gaano man ang pagiging karaniwan nito, gaano man ito kasalungat sa mga kuru-kuro ng mga tao, ang diwa ng mga ito ay ang katotohanan, at kung ang ginagawa at pamumuhay ng mga tao ay naaayon sa mga prinsipyo ng salita ng Diyos, kalaunan, balang araw, sila ay magiging mga tunay na kalipikadong nilikha, at magkakaroon ng kakayahang matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan. Sa kabaligtaran, kung ang mga tao ay hindi nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos at hindi kumikilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, hindi sila pwedeng maging mga kalipikadong nilikha. Ang mga kilos nila at ang landas na tinatahak nila ay itataboy lang ng Diyos; isa itong katunayan. Sa pagbabahaginang ito, may bago na ba kayong pagkaunawa o konsepto sa mga salita ng Diyos? Ano ang mga salita ng Diyos? Ang mga ito ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay—walang huwad dito. Ang mga anticristo lang, iyong mga likas na tutol sa mga positibong bagay at namumuhi sa mga ito, ang nanghahamak sa mga salita ng Diyos, ang hindi tumuturing sa mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, at ang tumatanggi sa katunayang ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hindi nila kailanman tatanggapin ang mga salita ng Diyos bilang buhay nila; isa silang grupo ng mga tao na wala nang pag-asang maligtas. Matapos ang gayong pagbabahaginan, nauunawaan ng ilan na ang mga pagpapamalas na ito ay katumbas ng pakikialam at wala sa katwirang pagbibigay-kahulugan sa mga salita ng Diyos, na mga pagpapamalas ng mga anticristo. Masasabi ba ninyo na kasama rito ang mga nag-oorganisa ng mga salita ng Diyos? (Oo.) Kasama ba rito? Ano ang ibig sabihin ng pakikialam? (Ang ibig sabihin nito ay ang wala sa katwirang pag-alis o pagdagdag ng isang bagay, na nagpapabago sa orihinal na kahulugan ng mga salita ng Diyos. Ito ay pakikialam. Kung ang Kanyang mga salita ay inorganisa ayon sa mga prinsipyo, hindi ito pakikialam.) Tama iyan, iyan ang dapat ninyong maunawaan. Sa pagkaunawang ito, hindi kayo magkakaroon ng anumang mga alalahanin kapag nag-oorganisa ng mga salita ng Diyos, tama ba? Naaarok na ba ninyo ngayon ang mga prinsipyo nang mabuti? Kapag inatasan kang mag-organisa, hindi ito isang paanyaya para makialam ng mga salita. Mayroon ding mga gumagawa ng pagsasalin sa wika—inatasan ang mga taong ito na direktang isalin ang mga salita ng Diyos at isalin ang orihinal na kahulugan ng mga salita ng Diyos at ang mismong mga salita ng Diyos sa ibang wika, hindi na bigyang-kahulugan ang mga salita ng Diyos habang nagsasalin. Hindi ka kalipikadong magbigay ng kahulugan, at kailangan mong magbigay-pansin at maging maingat tungkol dito. Arukin nang mabuti ang mga prinsipyo, unawain kung ano ang maituturing na pakikialam at kung ano ang hindi—arukin nang mabuti ang mga prinsipyong ito, at magiging mahirap magkamali sa gayong paraan. Kung hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyong ito at palagi mong gustong dagdagan o baguhin ang kahulugan habang nag-oorganisa, palaging nararamdaman na ang paraan ng pagsabi ng Diyos ng isang bagay ay hindi masyadong ideyal o ang paraan ng pagsabi Niya ng iba pang bagay ay tila mali, iniisip na dapat itong sabihin sa isang partikular na paraan, ang gayong mga kaisipan ay magdudulot sa iyo na malamang na magawa ang pagkakamali ng pakikialam. Para sa mga tagasalin na nagsasabi, “Alam ko kung ano ang ibig sabihin ng pangungusap na ito ng mga salita ng Diyos, kaya magsasalin ako batay sa kahulugang iyon. Kapag naisalin na ito, hindi ba’t maiintindihan naman ito ng mambabasa at iyon na iyon? Hindi na kailangan pang maghanap o magdasal-magbasa; direkta silang tatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw”—hindi ba’t isa itong pagkakamali? Nilalabag nito ang mga prinsipyo; ito ay wala sa katwirang pagbibigay-kahulugan sa mga salita ng Diyos. Bilang buod, huwag kailanman ituring ang mga salita ng Diyos nang katulad sa mga salita ng tao, tulad ng isang nobela, mga sinulat ng isang tanyag na tao, o isang bagay na may kinalaman sa akademikong talakayan. Bukod sa hindi pakikialam o pagbibigay-kahulugan nang wala sa katwiran, dapat humarap ang isang tao sa mga salita ng Diyos nang may saloobin ng paghahanap, pagtanggap, at pagpapasakop kapag kinakain at iniinom at dinarasal-binabasa ang mga ito. Sa ganitong paraan lang makikita ng isang tao ang katotohanan, mauunawaan ang mga layunin ng Diyos, mahahanap ang landas sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, at malulutas ang kanilang mga tiwaling disposisyon at ang iba’t ibang suliraning nararanasan sa paggampan ng tungkulin nila at sa buhay. Ang pagkamit sa ganitong resulta ay nagpapatunay na tama ang iyong saloobin sa mga salita ng Diyos. Ang ating pagbabahaginan tungkol sa unang pagpapamalas ng pagkasuklam ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos—pakikialam at pagbibigay-kahulugan sa mga salita ng Diyos nang wala sa katwiran—ay nagtatapos sa puntong ito.

B. Itinatatwa ng mga Anticristo ang mga Salita ng Diyos Kapag Hindi Umaayon ang mga Ito sa Kanilang mga Kuru-kuro

Ang ikalawang pagpapamalas ay na itinatatwa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos kapag hindi umaayon ang mga ito sa kanilang mga kuru-kuro. Sa gawain ng Diyos, mula noong simula hanggang sa ngayon, marami nang salita ang binigkas ng Diyos. Malawak ang saklaw ng mga salitang ito, at masagana ang nilalaman ng mga ito, kabilang na ang mga aspekto na may kaugnayan sa mga layunin at pananaw ng mga tao, pati na rin sa kanilang paglilingkod sa Diyos. Siyempre, mas marami pa ang may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ang mas malaking bahagi ay may kaugnayan sa mga layunin ng Diyos at sa mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Sa mga salitang ito, gumamit ang Diyos ng iba’t ibang pamamaraan ng pananalita. Sa iba’t ibang pamamaraan ng pananalitang ito, sa simula ay medyo malapit sa mga tao ang ilang tono ng pananalita, na sinusundan ng paghatol at paglalantad sa sangkatauhan, pati na rin ng paglupig sa sangkatauhan, at pagkatapos ay unti-unting pagsasabi sa mga tao ng iba’t ibang aspekto ng katotohanan. Maraming aspekto ang nilalaman ng mga salitang ito, pero gaano man ito kalawak, ang lahat ng ito ang kailangan ng tiwaling sangkatauhan. Bukod sa isang maliit na bahagi ng pinakaespesyal na nilalaman, ang karamihan sa mga salitang ito ay sinasalita ayon sa mga pattern ng wika ng tao, sa isang tono, gamit ang pagpili ng mga salita, at gamit ang lohika ng wika na matatanggap ng lahat ng tao. Sa madaling salita, pawang pangkaraniwan at napakadaling maunawaan ang mga estilo at pamamaraan ng mga anyo ng wika at pananalita na ito. Hangga’t may mga normal na kaisipan ang isang tao, at may normal na isip at katwiran, mauunawaan niya ang mga salitang ito ng Diyos. Ito ang implikasyon nito: Hangga’t normal ang mga kaisipan ng isang tao, pagkatapos niyang basahin ang mga salitang ito, mahahanap niya ang landas ng pagsasagawa, makikilala niya ang kanyang sarili, mauunawaan niya ang mga layunin ng Diyos, at mahahanap niya ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Hangga’t may puso ang isang tao at nagtataglay siya ng mga normal na kaisipan, makakatulong sa mga tao ang mga salitang ito ng Diyos at magagabayan sila ng mga ito sa iba’t ibang paghihirap sa buhay, at mabibigyang-kakayahan ng mga ito ang mga tao na maunawaan ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon. Ganito ang karamihan sa nilalaman ng mga salita ng Diyos, ngunit may bahagi na sinasalita mula sa perspektiba ng pagka-Diyos, mula sa perspektiba ng Espiritu. Napakaespesyal ng bahaging ito ng nilalaman. Sa mga mata ng buong sangkatauhan, napakalalim at mahirap maunawaan ang bahaging ito ng Kanyang mga salita. Para bang isa itong misteryo, at isa ring propesiya. Sa bawat pangungusap, bawat talata, at bawat kabanata ng pananalita, napakahirap para sa mga tao na makilatis ang kahulugan ng Diyos, mahirap hanapin ang konteksto ng mga salita ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, pati na rin ang mga katotohanang prinsipyo na hinahanap ng mga tao. Kaya, anong bahagi ng Kanyang mga salita ang mga ito? Ito ay “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob” at ang mga appendix nito. Napakahirap para sa mga tao na maunawaan ang bahaging ito ng Kanyang mga salita. Ipagpaliban muna natin ang usapin ng kung bakit sinasalita ng Diyos ang bahaging ito na mahirap para sa mga tao na maunawaan, at sa halip ay pag-usapan natin kung aling bahagi ng paksa ang ating pagbabahaginan—“Itinatatwa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos kapag hindi umaayon ang mga ito sa kanilang mga kuru-kuro”—ang may kaugnayan sa bahaging nabanggit Ko. Tungkol sa karamihan ng mga pangkaraniwan, madaling maunawaan, at mga komplikado ngunit simpleng ipinahayag na salitang sinasabi ng Diyos, pati na rin ang mga babala at paalala ng Diyos sa tao, mga paghihimok at mga salita upang pagaanin ang loob ng tao, mga salita ng paglalantad at paghatol sa tao, at mga salita ng pagtustos at paggabay sa tao, para sa mga hindi talaga naghahangad sa katotohanan, iyong mga ginawang diyos ang salitang “Diyos” at mas gugustuhin pang maniwala sa isang malabong diyos, iniisip nila na tila hindi mga salita ng Diyos ang mga salitang ito. Tingin nila ay masyadong pangkaraniwan ang mga ito, masyadong tuwiran—simpleng usapan lamang. Iniisip nila na masyadong mahaba ang bawat kabanata. Ayaw nilang basahin ang mga salitang ito. Iniisip nila na kulang sa lalim at misteryo ang mga salita, at samakatwid ay hindi karapat-dapat na basahin. Kaya, sa kanilang pananaw, ang mga salitang ito ay hindi mga salita ng Diyos. Sinasabi nila ito dahil hindi akma sa kanilang panlasa ang nilalaman, paraan, at estilo ng mga salitang ito. Kung gayon, ano ang kanilang panlasa? Gusto nilang magbasa ng malalalim na teksto, mga salita na kahit paano pa basahin ng mga tao ay hindi pa rin nila maintindihan, tulad ng isang hindi maintindihang aklat mula sa langit; gusto nilang basahin ang mga ito. Hinahamak ng mga anticristo ang uri ng mga salitang itinustos ng Diyos na sinasalita sa isang paraan, tono, at estilo na akma sa mga panlasa ng tao. Puno sila ng mga kuru-kuro, panghahamak, at pangungutya sa mga salitang ito. Kaya, hindi nagbabasa, tumitingin, o nakikinig ang mga taong ito sa mga pangkaraniwan at madaling maunawaang salita na ito na nakakapagbigay ng buhay sa mga tao. Sa kanilang mga puso, mapanlaban, nasusuklam, at hindi sila tumatanggap sa mga salitang ito. Bakit nila nagagawang tumanggi, masuklam, at maging mapanlaban sa mga salitang ito? Isang dahilan ang tiyak: Naniniwala sila na sinasalita mula sa perspektiba ng Diyos sa katawang-tao ang mga salitang ito, kaya itinuturing nila ang mga salitang ito bilang mga salita ng tao. Ano ang konsepto ng mga salita ng tao? Sa pananaw ng mga anticristo, ang mga salita lamang ng Diyos, ang mga kasulatan ng langit lamang ang karapat-dapat nilang basahin. Ang mga malalim, di-maarok, at misteryosong salita lamang ang karapat-dapat nilang basahin. Hindi karapat-dapat na basahin nila ang mga pangkaraniwan at madaling maunawaang mga tekstong pantao na ito, hindi ito nakakaakit sa mata nilang “mapang-unawa”, at hinahamak nila ang mga ito. Hinding-hindi nila binabasa ang mga salitang ito, lalong hindi nila tinatanggap ang katotohanang nakapaloob sa mga ito.

Tumingin ka sa paligid at tingnan kung sino ang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos; kung sino ang tumatayo at umaalis kapag may nagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos; kung sino, kapag naririnig ang mga salita ng Diyos na binabasa o ang katotohanan na ibinabahagi, ang humihikab, nag-iinat, hindi mapakali, naiinip, at naghahanap ng mga dahilan para umalis o nang-aantala, na binabago ang paksa—nasa panganib ang gayong mga tao. Maaari kang magsalita tungkol sa teolohiya, anumang mga maling paniniwala, o anumang mga pananaw ng tao, at pagtitiyagaan nilang pakinggan ito. Pero sa sandaling magsimula kang mangaral, magdasal-magbasa, o magbahagi tungkol sa mga salita ng Diyos, o magpuri sa mga salita ng Diyos, agad silang nagbabago, na nagbubunyag ng isang di-normal na pag-uugali, ng isang malademonyong pag-uugali. Kapag naririnig nilang binabasa ang mga salita ng Diyos, nababalisa at naiinis sila, at sa sandaling marinig nila ang isang tao na nagbabahagi tungkol sa katotohanan, nagiging palaban sila, at tumatayo at umaalis sila. Ano ang kalikasan nito? Anong disposisyon ito? Ganito ang mga anticristo. Maaaring sabihin ng ilan, “Paano mo sila natatawag na mga anticristo? Maaaring mga bagong mananampalataya sila na hindi pa nagkakaroon ng interes sa mga salita ng Diyos o natitikman ang tamis ng mga salita ng Diyos. Hindi mo ba pinapahintulutan ang posibilidad na maaaring maliit pa ang tayog ng mga bagong mananampalataya?” Kung mga bagong mananampalataya sila na maliit pa ang tayog at hindi interesado sa mga salita ng Diyos, bakit hindi sila nasusuklam kapag nagsasalita ka tungkol sa ibang mga bagay? Kung tatalakayin mo ang tungkol sa malalaking sakuna, ang hinaharap ng sangkatauhan, mga misteryo, o ang Aklat ng Pahayag, tingnan mo kung kaya nilang mapakali. Nag-iiba ang kanilang pag-uugali kung gayon. Mula sa perspektiba ng kalikasang diwa ng mga anticristo, mapanlaban sila sa katotohanan. Paano nabubunyag itong kalikasang diwa ng pagkamapanlaban sa katotohanan? Ito ay na kapag naririnig nila ang mga salita ng Diyos, nakakaramdam sila ng pagkasuklam, antok, at nagbubunyag sila ng iba’t ibang pagpapahayag ng panghahamak, pagkainip, at pag-ayaw na makinig. Nabubunyag ang kanilang malademonyong pag-uugali sa ganitong paraan. Sa panlabas, tila ginagawa nila ang kanilang tungkulin at kinikilala nila ang kanilang sarili bilang mga tagasunod ng Diyos. Kaya bakit sila nagiging magulo kapag ibinabahagi ang katotohanan, kapag ibinabahagi ang mga salita ng Diyos? Bakit hindi sila mapakali? Para bang may dalang espada ang mga salita ng Diyos. Tumagos ba sa kanila ang mga salita ng Diyos? Kinondena ba sila ng mga salita ng Diyos? Hindi. Para sa pagtustos ng mga tao ang karamihan sa mga salitang ito, at kapag naririnig nila ang mga ito, nagigising ang mga tao, nakakahanap ng paraan para mabuhay, at nagagawa nilang mabuhay muli nang may wangis ng tao. Kaya bakit may di-normal na reaksiyon ang ilang tao kapag naririnig nila ang mga salitang ito? Ito ang diyablong nagbubunyag ng tunay nitong pag-uugali. Hindi sila nakakaramdam ng pagkasuklam kapag nagsasalita ka tungkol sa teolohiya, mga maling pananampalataya, mga maling paniniwala, o sa Aklat ng Pahayag. Kahit na magsalita ka tungkol sa pagiging taos-puso, pagiging mapagpalugod ng mga tao, o magkuwento ka tungkol sa kabayanihan, hindi sila nakakaramdam ng pagkasuklam. Pero sa sandaling marinig nilang binabasa ang mga salita ng Diyos, nakakaramdam sila ng pagkasuklam, tumatayo sila, at gusto nang umalis. Kung hihimukin mo silang makinig nang maayos, magiging palaban sila at pandidilatan ka nila nang may galit. Bakit hindi kayang tanggapin ng gayong mga tao ang mga salita ng Diyos? Hindi sila mapakali kapag naririnig nila ang mga salita ng Diyos—bakit ganito? Pinapatunayan nito na hindi normal ang espiritu sa loob nila, isa itong espiritu na tutol sa katotohanan at salungat sa Diyos. Sa sandaling marinig nila ang mga salita ng Diyos, nagiging balisa sila sa loob, at kumikilos ang demonyo sa loob nila, na nagdudulot para hindi sila mapakali. Ito ang diwa ng isang anticristo. Kaya, mula sa labas, kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro. Pero ano ba ang talagang tinutukoy nitong “hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro”? Malinaw nitong ipinapahiwatig na kinokondena nila ang mga salitang ito, hindi nila kinikilala na galing sa Diyos ang mga ito at hindi nila kinikilala na ang mga ito ang katotohanan o ang daan ng buhay na nagliligtas sa mga tao. Isang palusot lang ang hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, isang mababaw-na-antas na kaganapan. Ano ang ibig sabihin ng hindi pag-ayon sa kanilang mga kuru-kuro? Wala bang mga kuru-kuro ang bawat tao tungkol sa lahat ng salitang ito na sinabi ng Diyos? Matatanggap ba ng lahat ng tao ang mga ito bilang mga salita ng Diyos, bilang ang katotohanan? Hindi—humigit-kumulang, sa ilang antas, may ilang kaisipan, kuru-kuro, o pananaw ang bawat tao na sumasalungat o kumokontra sa mga salita ng Diyos. Gayumpaman, may normal na pagkamakatwiran ang karamihan ng tao, at ang pagkamakatwiran na ito ay makakatulong sa kanila na malampasan ang saloobin na lumalabas kapag nahaharap sila sa mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro. Sinasabi sa kanila ng kanilang pagkamakatwiran, “Kahit na hindi ito umaayon sa aking mga kuru-kuro, mga salita pa rin ng Diyos ang mga ito; kahit na hindi ito umaayon sa aking mga kuru-kuro, kahit nag-aatubili akong makinig, kahit pakiramdam ko ay mali ito, at kahit pakiramdam ko ay salungat ito sa aking mga kaisipan, ang mga salitang ito pa rin ang katotohanan. Dahan-dahan kong tatanggapin ang mga ito, at balang araw kapag nakikilala ko na ang lahat ng ito, bibitawan ko na ang aking mga kuru-kuro.” Sinasabi sa kanila ng kanilang pagkamakatwiran na unang isantabi ang kanilang sariling mga kuru-kuro; ang kanilang mga kuru-kuro ay hindi ang katotohanan at hindi maaaring pumalit ang mga ito sa mga salita ng Diyos. Sinasabi sa kanila ng kanilang pagkamakatwiran na tanggapin ang mga salita ng Diyos nang may saloobin ng pagpapasakop at katapatan, sa halip na kontrahin ang mga salita ng Diyos gamit ang kanilang sariling mga kuru-kuro at pananaw. Kaya, kapag naririnig nila ang mga salita ng Diyos, nagagawa nilang tanggapin ang mga salita na umaayon sa kanilang mga kuru-kuro at tahimik silang umuupo para makinig. Para sa mga hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, naghahanap din sila ng mga solusyon, nagsusumikap na isantabi ang kanilang sariling mga kuru-kuro at maging kaayon ng Diyos. Ito ang normal na pag-uugali ng karamihan ng makatwirang tao. Gayumpaman, hindi kapareho ng sa mga ordinaryong tao ang “hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro” na binanggit ng mga anticristo. Sa kaso ng mga anticristo, may mga malubhang isyu ito; isang bagay ito na ganap na taliwas sa mga kilos, salita, diwa, at disposisyon ng Diyos, isang bagay na nabibilang sa isang satanikong disposisyong diwa. Sa kanilang kaso, pagkondena, paglapastangan, at pangungutya ito sa mga salita ng Diyos. Naniniwala sila na ang pangkaraniwan at madaling maunawaang wikang ito ng tao na sinalita ng Diyos ay hindi ang katotohanan at hindi nito makakamit ang bunga ng pagliligtas sa mga tao. Ito ang eksaktong kahulugan ng sinasabi ng mga anticristo na “hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro.” Kaya ano ang diwa nito? Ang totoo, ito ang pagkondena, pagtanggi, at paglapastangan sa Diyos.

Naniniwala ang mga anticristo na kapag ang Diyos ay tumitindig mula sa perspektiba ng pagkatao, mula sa perspektiba ng ibang partido, gamit ang mga pattern, istruktura, at diksiyon ng wika ng tao para kausapin ang mga tao, ang mga salitang ito ay hindi sapat na malalim, hindi kalipikadong matatawag na mga salita ng Diyos, kaya mas gusto nilang mamatay kaysa tanggapin ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao, “Sinasabi Mong hindi nila tinatanggap, pero kumakain at umiinom din sila ng mga salita ng Diyos, minsan ay may mga espirituwal na debosyon sila, at minsan, kapag nakikipagbahaginan sila sa amin, sinisipi pa nga nila ang mga salita ng Diyos. Paano Mo ipapaliwanag iyon?” Ibang usapin na iyan; iyan lang ang nakikita sa panlabas, pero sa diwa, ganito tukuyin ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos: “Ang mga salitang sinabi ng nagkatawang-taong anak ng tao ay hindi katumbas ng katotohanan, lalong hindi ito katumbas ng mga salita ng Diyos, kaya hindi ko kailangang tanggapin, kainin, inumin ang mga ito o magpasakop sa mga ito.” Gayumpaman, tungkol sa bahagi na ipinahayag ng laman kung saan nagkatawang tao ang Diyos mula sa perspektiba ng Espiritu, mula sa perspektiba ng pagka-Diyos—Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob—ito ay nakikita ng mga anticristo ngunit hindi nila ito maaabot. Ito ay bahagi ng mga salita ng Diyos na labis nilang kinahuhumalingan. Ano ang ibig sabihin ng pagkahumaling na ito? Ang ibig sabihin nito ay naglalaway ang mga anticristo sa mga salitang ito, iniisip nila, “Dahil sa mismong bahaging ito ng iyong pananalita, ikaw, na isang walang-kwentang tao, isang hindi kahanga-hangang tao, isang taong walang halaga sa paningin namin, ay naging diyos. Labis itong hindi nararapat, hindi makatarungan!” Gayumpaman, may isang aspekto na itinuturing nila na “dapat ipagdiwang.” Dahil mismo sa pagpapahayag ng bahaging ito ng mga salita ng Diyos kaya natutugunan ang kanilang pagnanais at ambisyon na hangaan at pagpitagan ang Diyos sa langit. Nagbubukas ito ng isang bagong pananaw para sa kanila, at sinasabi nila, “Kahanga-hanga, ang diyos ay talagang diyos! Ang diyos na ito ang siyang mula sa ikatlong langit, ang pinakadakila sa lahat. Karapat-dapat talaga siyang maging diyos; ang pagsasabi ng gayong mga salita ay hindi simpleng bagay. Walang ni isang pangungusap ang mauunawaan ng mga tao, napakalalim ng mga salitang ito, mas malalim pa kaysa sa mga propesiya ng mga propeta!” Tuwing binabasa ng mga anticristo ang mga salitang ito, napupuno ang kanilang puso ng inggit at selos, napupuno ng paghanga para sa Diyos sa langit. Tuwing binabasa nila ang mga salitang ito, nararamdaman nilang sila ang pinakanagmamahal sa Diyos; tuwing binabasa nila ang mga salitang ito, nararamdaman nilang sila ang pinakamalapit sa Diyos. Labis na natutugunan ng mga salitang ito ang kanilang pagkamausisa tungkol sa Diyos. Bagama’t sa bahaging ito ng mga salita ng Diyos, hindi talaga nila nauunawaan kung ano ang mga layunin ng Diyos, ang konteksto ng bawat binigkas na pangungusap ng Diyos, kung ano ang panghuling epekto na layong matamo, o ang kahulugang ipinapahayag sa likod ng mga salita, umaasa pa rin sila sa bahaging ito ng Kanyang mga salita nang may masidhing pananabik. Bakit? Dahil mahirap unawain ang bahaging ito, wala itong pagkatao na makikita sa nagkatawang-taong Diyos, hindi ito sinabi mula sa perspektiba ng pagkatao o mula sa ibang partido. Sa bahaging ito, nakikita nila ang kadakilaan ng Diyos, ang Kanyang pagiging hindi maarok, at Siya ay nakikita rin nila bilang isang bagay na kanilang nakikita ngunit hindi nila maabot. Habang mas nagiging ganito ang kanilang pananaw, mas lalo nilang pinaniniwalaan na ang Diyos sa langit ay umiiral, at na ang Diyos sa lupa ay napakawalang-halaga, na Siya ay mahirap paniwalaan, at hindi karapat-dapat na paniwalaan. Hindi kalabisang sabihin na tinanggap ng ilang tao ang gawain ng Diyos sa mga huling araw dahil sa bahaging ito ng Kanyang mga salita. Pumunta ang ilan sa gawain ng Diyos sa mga huling araw lalo na dahil sa mga salitang ito, at narito ang ilan at naghihintay lang sa katuparan ng bahaging ito ng Kanyang mga salita. Bukod dito, sa pamamagitan ng mga salitang ito, kinumpirma ng ilan ang pag-iral ng Diyos sa langit at kaya mas lalo nilang kinamumuhian ang kababaang-loob at kawalang-halaga ng Diyos sa lupa. Habang lalo nilang binabasa ang bahaging ito ng Kanyang mga salita, lalo din nilang nararamdaman na ang Diyos sa lupa, ang nagkatawang-taong Diyos, ay nagsasalita nang napakababaw. Sinasabi nila, “Ang iyong mga salita ay napakadaling maunawaan. Bakit hindi ka magsabi ng isang bagay na hindi namin mauunawaan? Bakit hindi ka magsalita tungkol sa ilang misteryo? Bakit hindi ka magsalita sa wika ng ikatlong langit? Bakit hindi ka magsalita gamit ang banal na wika? Palawakin mo ang aming pananaw at buksan mo ang aming isipan. Kung magsasalita at kikilos ka nang ganoon, hindi ba’t mas lalaki ang aming pananalig? Hindi ba’t titigil kami sa paglaban sa iyo? Kung magsasalita ka at papangunahan mo kami sa ganoong paraan, hindi ba’t mas tataas ang katayuan mo? Paano ka namin kasusuklaman kung magkagayon?” Hindi ba’t medyo hindi makatwiran ito? Ito ay ganap na hindi makatwiran! Mayroon bang normal na pagkatao ang mga taong hindi makatwiran, mayroon ba silang pag-iisip ng normal na pagkatao? (Wala.) Kaya, mayroon bang normal na pagkamakatwiran ang mga ganitong uri ng mga anticristo, ang grupong ito ng mga taong ganito ang reaksiyon sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Minsan, kapag nakikita Kong nag-uusap ang mga tao, sumasali Ako para makipag-usap sa kanila. Pero nagugulat Ako dahil nag-uusap sila tungkol sa mga napakatayog na paksa kaya hindi Ako makapasok o makasali sa usapan. Sinasabi nila, “Maliwanag na hindi ka akma rito. Hindi mo kayang magsalita sa wika ng ikatlong langit. Nagsasalita kami sa wika ng ikatlong langit, na hindi kayang maunawaan ng mga ordinaryong tao. Ano naman kung ikaw ang diyos? Hindi mo pa rin ito maunawaan, kaya hindi namin kailangang isali ka.” Sabihin mo sa Akin, ano ang dapat Kong gawin sa mga gayong sitwasyon? Dapat matutunan ng mga tao na maging makatwiran. Kapag nakikita Ko silang nagsasalita ng gayong katayog at kamakapangyarihang wika ng ikatlong langit, at hindi Ko maabot ang antas na iyon, dapat umalis na lang Ako kaysa ipahiya Ko ang sarili Ko. Lantarang ipinapangaral ng ilang anticristo ang ganitong mga maling pananampalataya, maling paniniwala, at walang-kabuluhan at impraktikal na mga salita na malinaw na nagmumula kay Satanas, mula sa arkanghel. Ang mga salitang sinasabi nila ay tila sopistikado at matayog kung pakikinggan, hindi maaabot ng karamihan sa normal na tao. Ano ang ibig sabihin ng hindi maaabot? Ibig sabihin, sa sandaling marinig mo ito, makikilala mo na maladiyablong usapan ito, at na dapat mong tanggihan ang mga ito.

Ano ang diwa ng pagtatatwa ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro nila? Nakita mo na ba ito nang malinaw? Ni hindi talaga nila binabasa ang mga salitang ito ng Diyos. Sa simula, dahil sa pagkamausisa, pinapasadahan nila ang mga salita ng Diyos nang paimbabaw. Pagkatapos ng isang mabilisang pagtingin, iniisip nila, “Karamihan sa mga salitang ito ay hindi karapat-dapat na basahin, walang praktikal, mahalaga, o makabuluhan sa mga ito, walang bagay na karapat-dapat sa malalim na pagsasaliksik.” Habang nagbabasa sila, nasusumpungan nila ang bahagi na, Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob. Pakiramdam nila, ang bahaging ito ay may pagkabanal ang wika, may taas at lalim, karapat-dapat sa pagsisiyasat at pagsasaliksik ng tao—akma ito sa kanilang panlasa. Ano ang inaasahan nila ngayon? “Sino ang makapagpapaliwanag ng bahaging ito? Ano ba mismo ang layunin ng diyos? Ano ang ibig sabihin ng bawat sipi ng mga salita ng diyos, at paano ito maisasakatuparan?” Ito ang pinakagustong malaman ng mga anticristo, pero hindi nila ito maunawaan nang sila lang. Sa tingin ba ninyo ay dapat silang sabihan? (Hindi na kailangan.) Bakit hindi? Karapat-dapat bang marinig ng mga diyablo ang mga salita ng Diyos? Karapat-dapat bang malaman nila ang mga misteryo ng Diyos? (Hindi.) Ang mga misteryo ng Diyos ay ibinubunyag sa mga nananampalataya, sumusunod, at nagpapasakop sa Kanya, at itinatago mula sa mga diyablo at mga Satanas; hindi karapat-dapat ang mga ito. Samakatwid, kung isang araw ay magpasya ang Diyos na ibunyag ang mga misteryo at ang diwa ng bahaging ito ng Kanyang mga salita, pati na rin ang mga ugat at konteksto ng mga salitang ito, ibubunyag lang ito sa hinirang na mga tao ng Diyos, para malaman nila, pero hindi kailanman sa mga Satanas o mga diyablo. Kung kayo ay mga naghahangad sa katotohanan at mapalad na makakapanatili hanggang sa wakas, magkakaroon kayo ng pagkakataong maunawaan ang nilalaman ng bahaging ito ng Kanyang mga salita. Maraming misteryo sa mga salita ng Diyos at gayundin sa Kanyang gawain. Halimbawa, ang kasalukuyang pagkakatawang-tao ng Diyos; bagama’t—humigit-kumulang, at sa iba’t ibang antas—may ilang hindi gaanong malinaw na propesiya tungkol dito sa Bibliya at sa mga nakaraang hula, ang lahat ng propesiyang ito ay medyo lihim. Ang kasalukuyang pagkakatawang-tao ng Diyos, sa buong sangkatauhan at sa buong anim na libong taong plano ng pamamahala, ay ang pinakamalaking misteryo at ang pinakalihim na usapin. Hindi alam ng mga tao, hindi alam ng mga anghel, hindi alam ng lahat ng nilikha ng Diyos; kahit si Satanas, ang pinakamahusay, ay hindi alam ang tungkol dito. Bakit hindi nito alam? Kung gusto ng Diyos na sabihin ito rito, hindi ba’t magiging napakadali na malaman nito? Kaya bakit hindi nito alam? Isang bagay ang tiyak: Ayaw ng Diyos na malaman nito. Kahit na maraming palatandaan, maraming propesiya, at maraming katunayan na tumutukoy sa kaganapang ito, na nagpapahiwatig at nagpapahayag na mangyayari ito, hangga’t ayaw ng Diyos na malaman nito, hindi ito kailanman malalaman ni Satanas. Ito ay isang katunayan. Sasabihin ito ng Diyos nang direkta kay Satanas kapag gusto Niyang malaman nito. Kung hindi sasabihin ng Diyos kay Satanas at hindi Niya ito binabanggit, kahit na lumitaw ang mga katunayang ito at ang mga bagay na batay sa propesiya, maaari itong bulagin ng Diyos, at hindi nito malalaman ito. Mahusay ba ang kakayahan ni Satanas? Kung titingnan sa ganitong paraan, hindi. Pagdating sa gayong makabuluhang gawa tulad ng pagkakatawang-tao ng Diyos, sa mundo man ng tao, sa materyal na mundo, o sa espirituwal na mundo, hindi ba’t magkakaroon ng ilang palatandaan nito? Kung sama-samang titingnan ang lahat ng palatandaang ito, magiging madaling makita ang gawang ito na layong isakatuparan ng Diyos. Kaya bakit hindi ito alam ni Satanas? Bakit, pagkatapos ng napakaraming taon ng paggawa ng Diyos sa bayan ng malaking pulang dragon, hindi nito nauunawaan ang kahalagahan ng gawa na isinakatuparan ng Diyos? Kapag napagtanto na ito nito, natapos na ang gawang ito, hindi na ito mapapakialaman ni Satanas, at naitakda na ang mga resulta at bunga ng gawang ito. Sa oras na iyon, hindi ba’t masyado nang huli para kay Satanas na matuklasan ang katotohanan? Hindi ba’t natutupad nito ang kasabihang “Palaging magiging isang talunang kaaway si Satanas sa mga kamay ng Diyos”? Ganoon mismo. Nagkakamali ang mga anticristo sa paniniwala na hangga’t hindi umaayon ang mga salita ng Diyos sa mga kuru-kuro o panlasa ng tao, maitatatwa nila ang mga ito at pagkatapos ay hindi na magiging Diyos ang Diyos. Iniisip nila na hindi makakagawa ng anumang makabuluhan ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ni hindi ito maaaring maging isang katunayan. Hindi ba’t isa itong malaking pagkakamali? Nagkamali sila ng kalkulasyon at nahulog sila sa sarili nilang patibong. Bakit sila nahulog sa sarili nilang patibong? Ang paraan ng pagsasalita at paggawa ng Diyos para iligtas ang mga tao ay sa pamamagitan mismo ng paggamit sa mga hindi kapansin-pansing salita na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao o na mukhang dakila. Ang mismong nakatagong nilalaman ng mga mapagpakumbabang salitang ito ang naglalaman ng mga layunin ng Diyos, ng katotohanan, ng daan, at ng buhay. Sapat na ang mga salitang ito para iligtas ang tiwaling sangkatauhang ito at maisakatuparan ang plano ng pamamahala ng Diyos. Samantala, ang mga kumokondena sa mga ordinaryong salitang ito ay ititiwalag, kokondenahin, at sa huli ay paparusahan. Nagkakamali sila sa pag-iisip na, “Hindi ko tatanggapin ang mga salita mong ito, hindi ko pinahahalagahan ang mga ito! Hindi umaayon ang mga salita mo sa mga kuru-kuro ko, hindi umaayon ang mga ito sa aking mga kuru-kuro, pananaw, o paraan ng pag-iisip, kaya matatanggihan ko ang mga ito, malalabanan at kokondenahin ko ang mga ito, at pagkatapos ay wala kang anumang maisasakatuparan!” Mali sila. Ang hindi pagtanggap ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos ay ang kanilang pagkahulog sa sarili nilang patibong; hindi kailanman nilayon ng Diyos na tumanggap sila, at bakit ganoon? Dahil nabibilang sila kay Satanas, sa mga diyablo. Hindi kailanman plinano ng Diyos na iligtas sila o baguhin sila; iyon ang katunayan. Kaya, ano ang nananaig na katunayan? Ang mga anticristo, sa pamamagitan ng pagtatatwa, pagkondena, at pagtanggi sa mga salita ng Diyos, ay kinokondena at itinataboy ng Diyos. Ano ang dapat ninyong maunawaan mula rito? Ang mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay hindi dahilan para hindi mo tanggapin ang mga ito. Ang mga bahagi ng mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro mo ay hindi nangangahulugang hindi ang katotohanan ang mga ito, at hindi iyon dahilan para itanggi mo ang mga ito. Sa kabaligtaran, kung mas hindi umaayon ang mga salita ng Diyos sa mga kuru-kuro mo, mas dapat mong isantabi ang mga kuru-kuro mo para hanapin ang katotohanan. Habang lalong hindi umaayon ang mga salita ng Diyos sa mga kuru-kuro mo, mas lalong kinakatawan ng mga ito kung ano ang wala sa iyo, kung ano ang kulang sa iyo, kung ano ang kailangan mong punan, at lalo na kung ano ang kailangan mong hanapin para baguhin at pasukin. Ito ang dapat ninyong maunawaan.

Itinuturing ng mga anticristo ang sarili nila na engrande, dakila, at marangal. Kung babasahin nila ang mga salita ng Diyos, dapat nilang piliin ang mga banal na pagbigkas, ang mga salitang sinabi ng Diyos mula sa ikatlong langit, o basahin ang ilang malalim na salita ng Diyos na mahirap maunawaan at lubos na maintindihan ng mga karaniwan at ordinaryong tao. Ang ninanais nila sa mga salita ng Diyos ay hindi ang katotohanan o ang landas sa pagsasagawa, kundi ang matugunan ang pagkamausisa nila, ang mga walang kabuluhan nilang kaisipan, at ang mga ambisyon at pagnanais nila. Kaya, kung makakakita ka ng ilang tao sa paligid mo na binabalewala ang mas karaniwan at madaling maunawaang mga bahagi ng mga salita ng Diyos, ang mga salitang sinabi ng Diyos mula sa perspektiba ng sangkatauhan, o hindi man lang kinakanta ang mga ito kapag nilapatan ng musika, at sa halip ay tinitingnan, pinapakinggan, o binabasa nila ang mga piling salita ng Diyos, may problema ang mga gayong tao. Maaaring itanong ng ilan, “Anong uri ng problema? Problema ba ito sa kanilang pag-iisip o isang sikolohikal na problema?” Wala sa dalawa; may problema ang gayong mga tao sa kanilang disposisyon. Napansin ba ninyo na ang ilang tao, kapag kumakanta ng mga himno ng mga salita ng Diyos, ay hindi kinakanta ang mga may kaugnayan sa mga katotohanan tungkol sa pang-araw-araw na buhay, na ayaw nilang kumanta ng mga himno tungkol sa pagkilala sa sarili, iyong mga naglalantad ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, mga relihiyosong kuru-kuro, at mga maling pananaw sa pananampalataya sa Diyos, pati na rin iyong mga himno kung saan hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat? Lalo na tungkol sa mga salita at nilalaman ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ang mga himno na nagpapatotoo sa kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos, na nagpupuri at nagpapatotoo sa Diyos na nagkatawang-tao, hindi sila kumakanta ni isang salita ng mga ito, at nasusuklam sila sa sandaling simulang kantahin ng iba ang mga ito. Pero kapag kumakanta sila tungkol sa pagpapatotoo at pagpupuri sa Diyos sa langit, sa Espiritu ng Diyos, tungkol sa pagpapatotoo sa matuwid na disposisyon, kadakilaan, mga gawa, mga atas administratibo, at poot ng Diyos, kumakanta sila nang buong sigla at nagbubunyag pa nga ng di-maipaliwanag na pagpapahayag. Kapag kinakanta nila ang gayong mga himno, nagiging kakaiba sila; napapangiwi ang mukha nila at lumilitaw ang masama nilang asal. Kapag kinakanta nila ang tungkol sa matuwid at maharlikang disposisyon ng Diyos, hinahampas nila ang mesa at ipinapadyak ang mga paa nila, at nagagalit sila; kapag tungkol sa pagpapakawala ng poot ng Diyos at pagdudulot ng malalaking sakuna sa buong sangkatauhan, kinakanta nila ang mga ito nang tiim-bagang, namumula at namamaga ang mukha nila. Hindi ba’t may problema sa espiritu ng gayong mga tao? Halimbawa, sinabi ng Diyos, “Kapag pinakawalan Ko ang malaking poot, mayayanig ang mga bansa”; pagkatapos mailapat ang pahayag na ito sa musika, nagbabago ito mula sa unang panauhan at nagiging, “Kapag pinakawalan ng Diyos ang malaking poot, mayayanig ang mga bansa” sa ikatlong panauhan. Ang normal na mentalidad ay na ito ay mga salita ng Diyos, na ito ay pag-unawa sa disposisyon ng Diyos sa pamamagitan ng pagkanta ng Kanyang mga salita, at pag-unawa sa disposisyon ng Diyos at sa mentalidad at konteksto ng pagsasalita ng Diyos mula sa ikatlong panauhan, mula sa perspektiba ng tao. Ito ang katwiran at reaksiyon ng normal na pagkatao. Pero paano ito kinakanta ng mga anticristo? Hindi nila binabago ang ikatlong panauhan, pero iba ang pag-iisip nila kaysa sa mga normal na tao. Kapag kinakanta ng mga normal na tao ang “Diyos,” iniisip nila, “Ito ang mga gawa ng Diyos, mga salita ng Diyos; ito ang sinasabi ng Diyos.” Ngunit paano naman kapag kumakanta ang mga anticristo? Ang pag-iisip nila ay, “Ito ang ginawa ko, ang sinabi ko, ang poot na papakawalan ko, ang disposisyon na ibubunyag ko.” Hindi ba’t naiiba ito? Bagama’t hindi sila nangangahas na hayagang kantahin sa harap ng lahat ang “Kapag pinakawalan Ko ang malaking poot, mayayanig ang mga bansa,” ganoon nila ito kinakanta sa puso nila. Iniisip nila na sila mismo ang nagpapakawala ng poot at nagpapayanig sa mga bansa, kaya kinakanta nila ang mga salitang ito nang may tunay na emosyon. Hindi ba’t nagpapahiwatig ito ng problemang nakapaloob sa kanila? Mula sa simula hanggang sa wakas, ang dahilan kung bakit hindi kinikilala ng mga anticristo ang Diyos ay dahil gusto nilang maging Diyos. Gusto nilang itatag ang sarili nila habang ikinakaila ang Diyos, hinihimok nila ang mga tao na maniwala na sila ang Diyos at kilalanin sila bilang ang Diyos ng sangkatauhan. Iyon mismo iyon. Samakatwid, kapag nagbabasa ng isang sipi kung saan nagsasalita ang Diyos tungkol sa Kanyang pagka-Diyos, ang mga taong may katwiran ng normal na pagkatao ay naaarok ito at nagdarasal-nagbabasa nito mula sa perspektiba ng ikatlong panauhan, pinagninilayan nila ang mga layunin ng Diyos. Gayumpaman, ang mga anticristo ay iba. Habang kinakanta o binabasa nila ang mga salitang ito, nakadarama sila ng pagnanais na ipahayag ang gayong disposisyon, na mamuhay sila mismo sa loob ng gayong disposisyon at diwa. Layon nilang palitan ang Diyos, tinatangka nilang gayahin ang tono ng pananalita, paraan, diksiyon, at disposisyon ng Diyos sa loob ng Kanyang mga pagbigkas, ang tono ng Kanyang pananalita, ang lahat ng Kanyang pagpapahayag, at ang mga disposisyon na Kanyang ibinubunyag. Sila ay mga ganap na anticristo. Dahil hindi nila kayang magsalita nang gaya sa Diyos, hindi nila kayang ipahayag ang disposisyon ng Diyos, at nabibigo sila sa panggagaya nila, kapag nagsasalita ang Diyos sa Kanyang pagka-Diyos, sa wakas ay nakikita ng mga anticristo ang pagkakataon nila na gayahin ang Diyos at ang pagtatangkang maging Diyos. Ang mga pagbigkas ng Diyos mula sa perspektiba ng Kanyang pagka-Diyos ay nagbibigay ng mga palatandaan at direksiyon sa mga anticristo, ipinapaalam sa kanila kung paano nagsasalita ang Diyos, ang tonong ginagamit Niya para makipag-usap sa tao, at ang paraan, perspektiba, at intonasyon na ginagamit Niya para makipag-usap sa tao. Isa ito sa mga layon nila sa pagpapahalaga at pagsamba sa mga salitang binigkas ng Diyos sa Kanyang pagka-Diyos. Samakatwid, sa pang-araw-araw na buhay, madalas na posibleng makikita ang ilang tao na ginagaya ang tono ng Diyos para pangaralan ang iba gamit ang pagdadahilan ng pagpapakaresponsable sa gawain ng sambahayan ng Diyos o sa buhay ng mga kapatid. Sinisipi pa nga nila ang kada salita ng Diyos para sermunan, kondenahin, pungusan, at ilantad ang mga tao. Ang layunin sa likod ng mga kilos nila, kapag sinusuri mula sa ugat at konteksto ng maraming katunayan, ay hindi tunay na mula sa pagkamatapat, sa pagpapahalaga sa katarungan, o responsabilidad—sa halip, tinatangka nilang gawin ang gawain ng Diyos mula sa posisyon ng Diyos at mula sa perspektiba ng Diyos, at nilalayon nilang palitan ang Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi naman nila sinabi kailanman na gusto nilang palitan ang Diyos.” Hindi nila kailangang sabihin ito; mahahalata ito sa pamamagitan lang ng pagmamasid sa diwa, ugat, at motibasyon ng mga kilos nila; matutukoy na ito ang panggugulo at mga pamamaraan ng isang anticristo. Anuman ang pagpapamalas, ang kagustuhang maging Diyos, ang pagkimkim ng layuning ito sa anumang paraan—iyon ba ang dapat gawin ng isang taong may katwiran ng normal na pagkatao? (Hindi.) Maaari bang tukuyin ang gayong tao bilang isang anticristo batay lamang dito? (Oo.) Ang puntong ito lang ay sapat na. Kahit gaano kalaki ang tayog mo, kung palagi mong gusto na maging Diyos, at walang pakundangan mong ginagaya ang Diyos, iginigiit sa iba na ituring at itrato ka bilang Diyos, ang gayong mga kilos, pag-uugali, at disposisyon ay bumubuo sa diwa ng isang anticristo. Ang puntong ito lang ay sapat na para matukoy ang isang tao bilang isang anticristo. Hindi ito disposisyon ng isang anticristo, o isang bakas ng pag-uugali ng isang anticristo, kundi isang pagpapamalas ng pagkakaroon ng diwa ng isang anticristo.

Sabihin mo sa Akin, alin ang may mas malubhang kalikasan: ang kagustuhang maging Diyos o ang pagkakaroon ng mga ambisyon at pagnanais na palaging maghangad ng katayuan? (Ang kagustuhang maging Diyos.) Ang mga tao ay may mga ambisyon, mayayabang na disposisyon, at hilig nilang igiit ang katayuan nila, kung minsan ay tinatamasa ang mga kapakinabangang bunga ng katayuang ito, pinapahalagahan ito—isa itong tiwaling disposisyon, at maaari itong magbago. Gayumpaman, ang kagustuhang maging Diyos, paggaya sa tono ng pananalita ng Diyos, paggaya sa paraan ng pananalita ng Diyos, at maging ang ganap na pagsipi sa kada salita ng Diyos, pagbigkas sa kada salita nito para magkaroon ng maling paniniwala ang iba na kaya ng isang tao na magsalita at kumilos katulad ng Diyos, ang kanilang tono at paraan ng pananalita ay sobrang kahawig ng sa Diyos, sa huli ay napapaniwala nang mali ang iba na sila ay Diyos o halos kapareho ng Diyos, at tinatrato pa nga sila ng iba bilang Diyos—problema iyon; ito ay isang isyu na walang kalutasan, isang karamdaman na walang lunas. Ang kagustuhan ba na maging Diyos ay isang maliit na usapin? Natutukoy ang pagkakakilanlan ng Diyos batay sa Kanyang diwa. Ang diwa at disposisyon ng laman kung saan ang Diyos ay nagkatawang tao ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng Kanyang mga personal na pagsisikap o hindi nalilinang ng lipunan, mga bayan, ng sangkatauhan, o ng sinumang indibidwal, ni hindi ito nililinang ng Diyos mismo. Sa halip, likas na nagtataglay ang Diyos ng diwa ng Diyos. Hindi Niya kailangan ng tulong o kooperasyon ng tao, o ng anumang pagbabago sa kapaligiran o panahon. May pagkakakilanlan ang Diyos bilang Diyos, kaya matagal nang natukoy ang Kanyang diwa; isa itong likas na bagay. Ang Kanyang kakayahan na maipahayag ang katotohanan ay hindi isang bagay na Kanyang natutunan sa mga tao, hindi rin ito isang bagay na sila ang naglinang. Hindi naiintindihan nang mabuti ng mga anticristo ang usaping ito. Hangal silang naniniwala na kung napakahusay nilang magagaya ang tono at paraan ng pananalita ng Diyos, itinuturing sila ng mga tao na mas mala-Diyos, kung gayon ay kwalipikado silang maging Diyos. Bukod pa rito, sa pagsasabi ng ilang walang-kabuluhan, di-praktikal, di-maarok na diumano’y “mga salita ng Diyos” na nagdudulot sa mga tao na malito at maguluhan, iniisip nila na maaaring ituring sila ng mga tao bilang Diyos, at maaari silang magkaroon ng pagkakataon na maging Diyos. Hindi ba’t isa itong mapanganib na usapin?

Ang pagnanais at ambisyon na maging Diyos ay palaging napupukaw sa puso ng mga anticristo. Habang itinatatwa at kinokondena nila ang mga salita ng Diyos, ginagaya rin nila ang tono ng Kanyang pananalita. Labis na kasuklam-suklam, buktot, walang kahihiyan, at ubod ng sama ang gayong gawain! Sila ay nahuhumaling at nababaliw sa pagnanais na maging Diyos. Hindi ba’t nakakasuklam iyon? (Oo.) Mayroon ba sa inyo ang nagkikimkim ng isang pagnanais na maging Diyos? Ang sinumang gustong maging Diyos ay kokondenahin! Ang sinumang gustong maging Diyos ay mamamatay! Ito ay isang katunayan, hindi ito isang pagmamalabis o isang pagtatangka na takutin ka. Hindi ka ba naniniwala? Subukan mo. Mag-isip ka sa gayong direksiyon, pagkatapos ay aksyunan mo ito, at tingnan mo kung kaya mo itong tiisin sa loob mo, alamin ang pakiramdam sa loob. Kung sa loob mo ay nararamdaman mo ang kaluguran, pagmamalaki, at kasiyahan sa gayong mga kilos, hindi ka mabuti, at nasa panganib ka. Pero kung ang gayong paraan ng pagkilos ay nagdudulot sa iyo na magsisi, makonsensiya, mahiya nang sobra na hindi ka na makaharap sa ibang mga tao o sa Diyos, kung gayon ay mayroon ka pang kaunting konsensiya, kaunting pagkamakatwiran ng normal na pagkatao. Maraming tao ang nagnanais na maging Diyos. Nang hindi nauunawaan ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, nang hindi nalalaman ang tono at paraan ng pananalita ng Diyos, nang hindi naaarok ang impormasyong ito, maaaring interesado sila sa ideya at may mga ambisyon at plano sila, pero dahil hindi nila alam kung paano magpapatuloy, hindi sila nangangahas na kumilos nang walang pakundangan. Sa pinakamalala, nagpapanggap silang espirituwal, para sila ay maligtas, maging banal, o maging karapat-dapat sa kaligtasan. Gayumpaman, kapag nakakuha sila ng impormasyon tungkol sa Diyos, magsisimulang umusbong ang mga ambisyon nila, at magsisimula na silang kumilos. Ano ang ginagawa nila? Isang malinaw na pagpapamalas ay na binabasa pa nila ang mas maraming mga malalim at di-maarok na salita na sinabi ng Diyos. Sa mga salitang ito, nagiging pamilyar sila sa saloobin, paraan, tono, at diksiyon ng pananalita ng Diyos, at pagkatapos ay sinusubukan nilang gayahin ang mga ito, pinag-aaralan nilang mabuti ang mga ito. Kung mas pamilyar sila, mas mainam iyon, hanggang sa puntong natutukoy na nila ang tono at paraan ng pananalita ng Diyos kahit na nakapikit ang mga mata nila. Taimtim nilang kinakabisado ang mga ito, at kasabay nito ay nagsasanay at nag-eensayo sila sa mga tao, ginagaya ang ganitong estilo, paraan, tono, at diksiyon sa kanilang pananalita, at pagkatapos ay malalim na dinaranas kung ang pagkilos at pagsasalita sa ganitong paraan ay nagbibigay sa kanila ng pakiramdam ng pagiging Diyos. Habang sila ay nagiging mas pamilyar at mahusay sa kanilang pagsasanay, hindi nila namamalayan na inilalagay nila ang kanilang sarili sa posisyon ng Diyos. Bigla na lang, isang araw, may magsasabi, “Ang pakiramdam at tono ng pananalita nila ay tila kahawig ng sa Diyos. Kapag kausap mo sila, pakiramdam mo ay kasama mo ang Diyos; ang mga salita nila ay katulad ng pananalita ng Diyos.” Pagkatapos na hindi sinasadyang marinig ang gayong mga komento, napupuno ng walang-hanggang kasiyahan ang puso nila, pakiramdam nila ay nakamit na nila sa wakas ang kahilingan nila, na sa wakas ay naging Diyos na sila. Hindi ba’t tapos na sila sa ngayon? Bakit pipiliin ang landas ng pagwasak kung may ibang mga landas na pwedeng tahakin? Hindi ba’t ito ay paghahangad ng kamatayan? Kahit ang pagkikimkim ng gayong mga kaisipan ay mapanganib—ang aksiyunan ang mga kaisipang ito ay lalo pang mas mapanganib. Kung hindi na makokontrol ang mga kilos ng isang tao at sumusunod siya sa direksiyong ito hanggang sa wakas, determinadong magtagumpay rito at gawin itong isang realidad, kung gayon ay naging pakay na siya ng ganap na pagkawasak. Ang totoo, gumagawa at nagsusumikap ang ilang anticristo patungo sa direksiyong ito. Nakakita o nakasalamuha na ba kayo ng gayong mga tao? (Noong ako ay nasa mainland China, nakakilala ako ng isang taong ginagaya ang tono ng pananalita ng Diyos at madalas na kinikimkim ang kaisipang maging Diyos. Noong panahong iyon, dalawa o tatlong tao ang tumuturing sa kanya bilang Diyos, at may isang tao pa nga na lumuhod at nagpatirapa sa harap niya nang makita siya.) Kahit hanggang saan pa subukan ng isang tao na maging Diyos, walang patutunguhan ang landas na ito. Nakilatis ba ninyo ito? Ang mga pagpapahayag at pagtutustos ng lahat ng salita ng Diyos para sa sangkatauhan ay para tulungan ang mga tao na maunawaan ang mga layunin ng Diyos at sa gayon ay makamit nila ang kaligtasan. Kung ang mga tao ay nagkakamali sa paniniwala na dahil ipinahayag ng Diyos ang mga mensaheng ito, dapat nilang pulutin mula sa mga ito ang mga detalye ng pagiging Diyos at sa gayon ay hangarin ang pag-iral bilang Diyos, paggaya sa Diyos, at pagiging Diyos, katapusan na nila. Ito ang landas patungo sa pagkawasak; huwag mo itong tutularan kailanman. Sinasabi ng ilang tao, “Medyo mahirap na hindi gayahin ang diyos. Sa tuwing naririnig kong nagsasalita ang diyos, iniisip ko kung gaano kadakila at kagalang-galang na pakinggan ang pagsasalita mula sa pagkakakilanlan ng diyos. Bakit ito labis na kaaya-aya at nakakabighani sa pandinig? Bakit iniisip ko na tiyak na kasiya-siya ang maging diyos kapag nagsasalita ang diyos? Iba ang tunog kapag ang taong may pagkakakilanlan ng diyos ang nagsasalita.” Kaya, nang hindi nila namamalayan, nagsisimula silang gayahin ang ilang tono at diksiyon ng Diyos. Bagama’t, sa kanilang mga personal na pagnanais, maaaring hindi nila gustuhing umiral bilang Diyos o maging Diyos nang napakahayagan, ano ang ugat ng kanilang panggagaya? Ito ba ay dahil pinapahalagahan nila ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon ay ano? (Ang ugat nito ay ang motibo ng kagustuhang maging Diyos.) Kung wala Ako ng pagkakakilanlan o katayuang ito at kung hindi Ko sinabi ang mga salitang ito, may gagaya ba sa Akin? Walang mag-aaksaya ng panahon sa Akin, walang hahanga sa Akin; hindi ba’t iyon ang katunayan? Noong wala Ako ng pagkakakilanlan at katayuang ito, nakikipag-usap at nakikipagbahaginan din Ako sa mga tao. Sino ang sumeryoso sa Akin noon? Sa sandaling nakita nila na bata pa Ako, walang mataas na pinag-aralan o mga kwalipikasyon, at walang anumang katayuan sa lipunan, walang sinuman mula sa sarili Kong iglesia o sa ibang mga iglesia, wala sa mga taong gumagampan ng mga tungkulin nila at nakikisalamuha sa Akin, ang talagang sumeryoso sa Akin. Kahit na nagsalita Ako nang tama o tapat, walang pumansin sa Akin. Bakit? Kung wala kang pagkakakilanlan o katayuan, wala kang presensiya; walang halaga ang kahit anong sabihin mo, ito man ay tama o ang katotohanan. Maaari pa ngang itanggi ng mga tao ang anumang sinasabi mo, at sabihin nilang mali ang lahat ng ito. Kung gayon, may gagaya ba sa iyo? Isang napakakaraniwan at ordinaryong tao, na walang pagkakakilanlan o katayuan—sino ang mag-aaksaya ng panahon na gayahin ka? Sa paningin ng mga tao, ang gayong tao ay walang presensiya at hindi karapat-dapat na hangaan; maswerte ka kung hindi ka nila aapihin. Anong magiging saysay ng panggagaya sa iyo? Gagayahin ka ba nila para lang mahamak, maapi, at madiskrimina sila ng iba? Sino ang ginagaya ng mga tao? Ginagaya nila ang mga tao na sa paningin nila ay may presensiya at kadakilaan, ang mga may katayuan at pagkakakilanlan. Sila ang ginagaya ng mga tao. Bakit pagkatapos magkaroon ng partikular na pagkakakilanlan at katayuan ang isang tao, siya ay tila nag-iiba sa paningin ng iba kapag sinasabi niya ang mga bagay na dati naman na niyang sinasabi? Paanong bigla na lang siyang nagmumukhang may presensiya at karapat-dapat na gayahin? Ano ba talaga ang ginagaya ng mga tao? Ang tinatanggap, ginagaya, at hinahangaan nila ay hindi ang katotohanan o mga positibong bagay, kundi ang panlabas na kadakilaan, ang paimbabaw na katayuan. Hindi ba’t iyon ang totoo? Kung wala Akong pagkakakilanlan o katayuan, kahit gaano pa Ako magsalita nang naaayon sa katotohanan o kahit gaano karaming espirituwal na salita ang sabihin Ko, maipapalaganap ba sa inyo ang mga salitang iyon? Hindi; walang mag-aaksaya ng panahon dito. Pero kapag mayroon na Ako ng pagkakakilanlan at katayuan Ko, ang ilan sa mga salitang madalas Kong sinasabi, ang mga kolokyal Kong salita, ang diksiyon Ko, ang paraan at estilo Ko ng pananalita—maraming tao ang nagsisimulang gayahin ang mga ito. Nasusuklam Ako kapag naririnig Ko ito. Gaano Ako nasusuklam? Parang gusto Kong masuka kapag naririnig Ko ito. Nasusuklam Ako sa sinumang gumagaya sa Akin, nasusuka Ako sa sinumang gumagaya sa Akin, hanggang sa punto na kinokondena Ko na sila! Ano ang layunin at layon sa likod ng panggagaya ng mga tao sa mga bagay na ito? Ito ay para gayahin ang tono ng pananalita ng Diyos, para maranasan ang pakiramdam ng maging Diyos; hindi ba’t iyon ang katunayan? Ito ay tungkol sa kagustuhan sa katayuan, kagustuhang magsalita mula sa isang posisyon ng katayuan, nagsasalita at kumikilos nang may tono at paraan ng isang taong may pagkakakilanlan at katayuan, para magmukha rin silang may katayuan, pagkakakilanlan, at halaga—hindi ba’t iyon naman talaga ang dahilan? Kung gagayahin mo ang isang ordinaryong tao, hindi ito malaking isyu; sa pinakamalala, isa lang itong mayabang na disposisyon. Pero kung gagayahin mo ang tono at paraan ng pananalita ng Diyos, doon nagsisimula ang problema. Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, nilalagay mo ang sarili mo sa panganib.

Sa mga salita ng Diyos, mayroong isang parirala: Ang Diyos ay isang Diyos na kinapopootan ang kasamaan. Ano ang tinutukoy ng “napopoot sa kasamaan”? Natatangi ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Ang kabanalan, katuwiran, awtoridad, at pagmamahal ng Diyos ay mga katangian na hindi taglay ng anumang nilikha o di-nilikha; kalapastanganan ang subukang gayahin ang mga ito. Dahil hindi mo taglay ang mga katangiang ito, bakit mo susubukang gayahin ang mga ito? Dahil hindi mo taglay ang mga ito, bakit mo susubukang maging Diyos? Sa panggagaya mo, hindi ba’t kinikimkim mo ang layunin na maging Diyos? O dahil ba hinahangaan mo ang Diyos, dahil naiinggit ka sa Kanyang pagiging kaibig-ibig at sa Kanyang diwa, kaya ginagaya mo Siya? Siyempre hindi; wala ka ng katangian at tayog para dito. Gusto mo lang matugunan ang isang paghahangad na maging Diyos, para makuha ang paghanga at respeto ng mga tao, at para maranasan mo ang matrato bilang Diyos ng mga tao. Hindi ba’t kahiya-hiya ito? Ganap itong kahiya-hiya! Ang mismong panggagaya ay kasuklam-suklam na, at ang pagnanais na maging Diyos ay hindi lang nakakadiri; nararapat din itong kondenahin. Samakatwid, ngayon ay taimtim Kong sinasabi sa inyo na kahit ano pa ang sinabi Ko, kahit ano pa ang ginawa Ko, kahit ano pa ang sabihin o gawin Ko na nakakapukaw ng pagpipitagan, inggit, o selos sa puso ninyo, may isang bagay na dapat ninyong tandaan: Huwag ninyo Akong gayahin kailanman. Dapat ninyong bitiwan ang layunin na manggaya, dapat kayong maghimagsik laban sa mentalidad ng panggagaya, at iwasan ninyong salungatin ang disposisyon ng Diyos. Isa itong seryosong usapin! Kasuklam-suklam sa Diyos ang isang tiwaling tao na hindi rumerespeto sa tono ng pananalita, paraan ng pananalita, at disposisyon ng Diyos, at ginagamit ang mga ito para sa basta-bastang pambobola at pagmamanipula. Kung ginagawa mo ito, sinasalungat mo ang disposisyon ng Diyos—huwag mong gawin ito kailanman! Kahit na hindi Ko marinig na ginagaya mo ang paraan at tono ng pananalita ng Diyos na nagkatawang-tao, ang malaman Ko lang na mayroon kang gayong disposisyon at mga kaisipan ay lubos nang nakakasuklam sa Akin. Kung gagayahin mo ang tono ng Espiritu ng Diyos, na may layuning kausapin ang buong sangkatauhan o ang publiko, hindi ba’t hinahangad mo ang kamatayan? Dapat maging mapagbantay ang lahat sa bagay na ito; huwag mong gawin ito kailanman! Noon, may ilang taong nagtatanong, “Ano ang ibig sabihin ng pagsalungat sa disposisyon ng Diyos?” Ngayon, sasabihin Ko sa iyo ang isang bagay: Ang panggagaya sa tono at paraan ng pananalita ng Diyos, pati na rin ang isang serye ng mga bagay na may kinalaman sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, panlabas man o panloob, ay pawang maituturing na pagsalungat sa disposisyon ng Diyos. Dapat ninyong tandaan ito nang lubusan at huwag kailanman gawin ang pagsalungat na ito! Kung nagawa mo nga ang paglabag na ito at kaya mong agad na itama, paghimagsikan, at baguhin ang iyong sarili, may pag-asa pa. Gayumpaman, kung magpapatuloy ka sa landas na ito, ituturing kang isang anticristo, at hayaan mong sabihin Ko sa iyo ang katotohanan: Sa mga mata ng Diyos, wala nang pagkakataon para magbago pa sa oras na iyon—ganap na katapusan mo na. Tandaan, ang Diyos ay isang Diyos na kinapopootan ang kasamaan. Dapat mong tratuhin nang may lubos na pag-iingat ang bawat aspektong may kinalaman sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos at huwag mo itong balewalain. Kung ang paraan at tono ng pananalita ng Diyos ay ipapahayag mula sa bibig ng isang tiwaling tao, ito ay isang malaking pamamahiya at paglapastangan sa Diyos, isang bagay na hinding-hindi palalampasin ng Diyos. Hindi kailanman dapat gawin ng mga tao ang pagsalungat na ito. Nauunawaan mo ba? Kung gagawin mo ito, mamamatay ka! Kung hindi ka makikinig at maniniwala sa Akin, subukan mo ito, at kapag talagang nagdulot ka ng kapahamakan sa iyong sarili, huwag mo Akong sisihin na hindi Ko ito sinabi sa iyo.

Agosto 15, 2020

Sinundan: Ikatlong Ekskorsus: Kung Paano Nakinig sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Nagpasakop sa Kanya (Ikalawang Bahagi)

Sumunod: Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikaanim na Bahagi)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito