Alam Mo Ba ang Pagmamahal ng Diyos sa Sangkatauhan?

Sa mga huling araw, saan namamalas ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan sa Kanyang pagpapakita at gawain? Makikita ninyo ito sa pamamagitan ng pagdanas sa bawat hakbang ng gawaing ito. Nagsasalita ang Diyos sa bawat hakbang ng Kanyang gawain gamit ang ilang pamamaraan, nagbibigay Siya ng ilang propesiya, at nagpapahayag ng ilang katotohanan at disposisyon Niya, at tumutugon ang mga tao sa lahat ng iyon. Ano ang mga tugon ng mga tao? Wala sa kanila ang mapagpasakop sa Diyos, at wala sa kanila ang aktibong naghahangad sa katotohanan at maluwag sa loob na tumatanggap sa Kanyang gawain. Lahat sila ay negatibo at lumalaban, galit, tumatanggi, at ayaw tumanggap. Gayunman, laging patuloy na ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, at hindi nagbabago ang pagmamahal Niya sa mga tao. Anuman ang mga saloobin ng mga tao, ayaw man nila o atubili man silang tumanggap o magbago nang kaunti, hindi nagbabago ang pagmamahal ng Diyos, hinding-hindi nagagambala ang mga hakbang ng Kanyang gawain. Ito ay isang pagpapamalas ng Kanyang pagmamahal sa mga tao. Gayundin, tuwing natatapos ng Diyos ang isang hakbang ng gawain, paano man umasal ang mga tao, hindi nagbabago ang Kanyang pagmamahal sa kanila; patuloy pa rin Niyang ginagawa ang Kanyang gawain at patuloy Niyang inililigtas ang mga tao. Sa bawat hakbang ng gawain sa hinaharap, magiging mas malalim at mas tumatagos ang mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa mga tao, at mas partikular na sa kanilang kasalukuyang kalagayan. Sasabihin Niya ang mga bagay na nagtutulot sa mga tao na mas maintindihan Siya at makilala Siya, na mas maunawaan at maarok ang Kanyang mga layunin, at makikita ng mga tao na mahal pa rin Niya ang sangkatauhan. Kahit palaging negatibo o palaban ang tugon ng mga tao, kahit ganito ang reaksiyon nila sa bawat hakbang ng gawain, laging patuloy na nagsasalita at gumagawa ang Diyos, at hindi pa nagbabago ang Kanyang pagmamahal sa mga tao kahit ngayon. Samakatwid, lahat ng gawain ng Diyos para sa sangkatauhan ay pagmamahal, at tiyak iyan. Sabi ng ilang tao, “Kung puro pagmamahal ito, bakit hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao na para bang kinamumuhian Niya ang mga ito? Paano Niya naaatim na iparanas sa mga tao ang pagsubok ng kamatayan?” Tama iyan, ang tanging mayroon ang Diyos para sa sangkatauhan ay pagmamahal! Ang pagkastigo at paghatol ng Diyos sa paghihimagsik ng mga tao ay para ipaunawa sa mga tao ang katotohanan, pagsisihin at pagbaguhin sila, at tulutan silang malaman ang Kanyang disposisyon upang magkaroon sila ng takot at magpasakop sa Kanya. Bagama’t nagkikimkim pa rin ng kaunting paglaban ang ilang tao, hindi pa binabawasan ng Diyos ni katiting ang Kanyang mga pagsisikap na iligtas ang mga tao, ni hindi pa Niya sinusukuan ang mga ito. Ito ang bumubuo sa dakilang pagmamahal ng Diyos.

Noong panahon ng pagsubok ng mga tagapagsilbi, maraming tao ang naging napakanegatibo at nagdalamhati kaya umiyak sila sa kalangitan at sa lupa, at umiyak pa nga sa pagtutol, iniisip nila na, “Paano ako naging tagapagsilbi matapos kong maniwala sa Diyos nang napakaraming taon at magdusa nang husto? Hindi ito ang ginusto ko!” Hindi nasiyahan at hindi nakaunawa ang mga tao, ngunit naunawaan sila ng Diyos, at hindi ba’t pagmamahal ito? Kasama sa pagmamahal ng Diyos ang pag-unawa sa mga tao, isang kabatirang nakaaarok sa kanilang diwa, at lubusang pagkaunawa sa kanila. Nagmamahal Siya nang walang pagkalito, pagkukunwari, o panlilinlang. Ang pagmamahal Niya ay tunay at totoo. Saan ka man nagkukulang at walang kaalaman o pag-unawa, naaawa Siya sa iyo, mahal ka Niya, at lagi ka Niyang inaantig. Gaano man umaayaw o hindi nasisiyahan ang mga tao bilang mga tagapagsilbi, hindi kailanman sinukuan ng Diyos ang mga tao dahil sa kanilang katiwalian at paghihimagsik. Lagi Siyang nagsasalita, naglalaan para sa mga tao, sumusuporta sa kanila, at sa pamamagitan ng ilang buwan ng pagpipino, inilantad Niya ang kanilang katiwalian at ipinaalam sa kanila ang kanilang masamang kalagayan. May pagmamahal ba ang Diyos para sa mga tao sa loob ng tatlong buwang ito? Kung wala, hindi ka sana Niya binigyang-pansin kailanman. Itiniwalag ang ilang tao nang subukin ang mga tagapagsilbi, at ang mga taong iyon ay tunay na mga hindi pananampalataya. Naging negatibo sila sa sandaling narinig nila na sila ay mga tagapagsilbi, at hindi nila iyon matanggap pagkaraan ng ilang buwan. Ayaw mong maging tagapagsilbi, at ayaw mong magdusa sa pagsunod sa Diyos, ngunit nang sabihan ka na may mga pagpapalang matatanggap, naging masaya ka, tuwang-tuwa ka pa nga. Kung walang pagmamahal ang Diyos kundi pagkamuhi lamang at nakita Niya ang gayong katiwaliang nalantad sa mga tao, dapat ay itiniwalag na sila. Hindi pa nga matagal ang tatlong buwan ng pagpipino. Bakit Ko sinasabi na hindi pa iyon matagal? Dahil ito lamang ang haba ng panahon na kayang tiisin ng mga tao. Kung mas matagal pa nga ito, hindi ito matitiis ng mga tao. Bagama’t ang mga tao ay laging kumakanta ng mga himno, dumadalo sa mga pagtitipon, at nagbabahaginan, tiyak na hindi nila magagawang manindigan dahil lamang sa nagagalak sila sa mga bagay na iyon. Kaya nga maaga pa ay ginawa na sila ng Diyos na Kanyang mga tao, at kasama rin dito ang Kanyang pagmamahal. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang puso at pagmamahal para impluwensiyahan at panatilihin ang mga tao, at pagpapamalas din ito ng pagmamahal. Makikita rin natin ang pagmamahal ng Diyos sa tiyempong ito. Hindi siya nagpapaliban kahit isang araw, agad Siyang nagsasalita kapag oras na para Siya ay magsalita. Kung nagpaliban Siya nang ilang buwan, unti-unting aalis ang ilang tao. Ito ang paggawa Niya ayon sa totoong kalagayan ng mga tao, nang walang pagkaantala o pagpapaliban. Nagbibigay ng espesyal na pansin ang Diyos sa lahat, at habang inililigtas Niya ang mga tao, ang Diyos ang responsable sa kanila hanggang wakas. Ngunit walang paninindigan o determinasyon ang ilang tao at kusa silang umalis. Bago sila umalis, partikular na inantig ng Banal na Espiritu ang ilang tao at hinimok silang manatili, sumuko lamang ang Espiritu nang hindi na sila mapanatili. Minahal nang husto ng Diyos ang mga tao, ngunit hindi karapat-dapat ang mga tao sa Kanyang pagmamahal. Para sa ilang tao na umalis na at hindi na Niya kayang mahalin, ang pagmamahal ng Diyos para sa kanila ay naging pagkamuhi at ayaw na Niyang magkaroon ng ugnayan sa mga taong katulad ng mga ito. Patungkol sa mga hakbang at tiyempo ng gawain ng Diyos, kung gaano katagal ang bawat hakbang, gaano karaming salita ang sinasambit sa bawat hakbang, anong tono at pamamaraan ang ginagamit sa bawat hakbang, at anong mga katotohanan ang ginagamit para makaunawa ang mga tao, kasama sa lahat ng bagay na ito ang mabubuting layunin at pagsusumikap ng Diyos, at lahat ng iyon ay pawang Kanyang tumpak na mga pagsasaayos at pagpaplano. Lagi nang ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan, ginagamit ang Kanyang karunungan para gabayan at akayin ang sangkatauhan, para tustusan at paglingkuran ang mga tao, pakainin nang paunti-unti ang mga tao, at akayin sila sa kamay hanggang sa araw na ito. Sinumang nagkaroon na ng ganitong karanasan ay may kaalaman na ngayon tungkol dito at maaaring magbigay ng kaunting patotoong batay sa karanasan. Sariwa pa rin ang paisa-isang hakbang na prosesong ito sa kanilang alaala, at mahirap ipahayag sa salita ang pagmamahal na nakapaloob dito. Napakalalim ng pagmamahal ng Diyos para sa mga tao kaya kailanman ay hindi ito lubos na maiintindihan o malinaw na maipapahayag ng mga tao gamit ang mga salita. Makikita natin sa tiyempo ng gawain ng Diyos kung gaano kalalim ang Kanyang pagmamahal para sa mga tao. Metikuloso Siya sa bawat maliliit na bagay, hindi Niya tinutulutang magtagal pa ang pagpipino, sa takot na baka umalis ang mga tao at iwan Siya dahil napakatagal nito. Niyayakap nang mahigpit ng Kanyang pagmamahal ang mga tao at hindi lumuluwag ang yakap na ito kahit kaunti. Dagdag pa rito, may tumpak na kontrol ang Diyos sa mga hakbang ng gawain ng pagkastigo at paghatol. Kung nagdagdag Siya ng isa pang pamamaraan, madarama ng mga tao na nililinlang at niloloko sila ng Diyos, at malamang na umalis sila kapag hindi sapat ang kanilang tayog. Kaya pagkaraan ng tatlong buwan ng pagpipino, muling nagsalita ang Diyos para gawing Kanyang mga tao ang mga tagapagsilbi, at naging masaya ang lahat ng tao. Sa tuwa nila ay tumulo ang mga luha sa kanilang mukha nang makita nila kung gaano katalino at kabuti ang Diyos. Pagkaraan ng ilang buwan ng pagpipino, talagang naniwala ang mga tao na sila ay mga tagapagsilbi. Inakala nila na, “Wala kaming magandang hantungan. Ayaw na sa amin ng Diyos. Walang-wala na kaming pag-asa.” Sa kapaligirang iyon nang oras na iyon, kung sinabi Kong hindi Ko hahayaang mamatay ang mga tao, walang maniniwala sa Akin. Inakala nila na kung nasabi na iyon ng Diyos, malamang na totoo iyon. Gayunman, pagkaraan ng tatlong buwan ay nagpahayag Akong muli ng ilang kabanata ng mga salita at tinapos ang pagsubok ng mga tagapagsilbi. Bagama’t nagawa nang tiwali ni Satanas ang likas na pagkatao ng tao, kung minsan ay inosente pa rin ang mga tao, tulad ng mga bata. Bakit sinasabi na ang mga tao ay palaging katulad ng mga sanggol sa harap ng Diyos? Sa tingin ng mga tao, tila lahat ng tao ay tiwali at makasalanan, ngunit sa tingin ng Diyos, ang mga tao ay lagi nang mga sanggol, at lahat sila ay napakawalang-muwang at inosente. Samakatwid, hindi itinuturing ng Diyos ang mga tao na para bang mga kaaway kundi mga tatanggap ng Kanyang pagliligtas at ng Kanyang pagmamahal.

Ang pagmamahal ng Diyos para sa mga tao ay hindi lamang para patuloy na magkaloob ng biyaya sa kanila o para magsabi ng mga salita ng pagpapala o mga bagay na nais marinig ng mga tao na tulad ng iniisip nila. Ito ay para ipahayag ang katotohanan at dalisayin ang mga tao sa kanilang katiwalian, iligtas sila mula sa impluwensiya ni Satanas, at gawin silang karapat-dapat na matanggap ang Kanyang mga pagpapala at ang Kanyang pangako. Iyan ang tunay na pagmamahal ng Diyos. Inilalantad ng Diyos ang katiwalian ng mga tao, hinahatulan, at kinokondena sila gamit ang mga salitang tunay na hindi sinabi sa pagsasaalang-alang ng mga damdamin nila. Bumabaon pa nga ang mga salitang ito sa kanilang puso at nasasaktan sila. Ang ilang salita ng paghatol ay tila kinokondena ang mga tao o sinusumpa sila na para bang talagang kinamumuhian sila ng Diyos, ngunit may tunay na konteksto ang lahat ng ito. Ganap na naaayon ito sa katunayan, at hindi ito pinalabis. Nagsasalita ang Diyos batay sa tiwaling diwa ng mga tao, at kailangan lamang itong maranasan ng mga tao sandali para malaman ito. Ang layon ng Diyos sa pagsasabi ng mga bagay na ito ay para baguhin ang mga tao at iligtas sila. Makukuha lamang ng Diyos ang pinakamagagandang resulta kung magsasalita Siya nang ganito. Dapat mong makita na ang pagsusumikap ng Diyos ay para iligtas ang mga tao at kumakatawan ang lahat ng ito sa Kanyang pagmamahal. Tumingin ka man sa karunungan ng Diyos o sa mga hakbang at pamamaraan ng gawain, sa haba ng panahon nito, o sa Kanyang tumpak na mga pagsasaayos at pagpaplano, lahat ng iyon ay naglalaman ng Kanyang pagmamahal. Narito ang isang halimbawa. Lahat ng magulang ay may pagmamahal para sa kanilang mga anak, at nagsusumikap silang lahat na makita ang kanilang mga anak na tumatahak sa tamang landas. Kapag nakakita sila ng kapintasan sa kanilang mga anak, nag-aalala sila na hindi makikinig ang mga ito at hindi magbabago kung masyado silang mahinahong magsalita, ngunit nag-aalala rin sila na kumpiyansa sa sarili ang mga ito kung magsalita sila nang napakabagsik at hindi matanggap ng mga ito. Na nagagawa nilang isipin ang lahat ng ito mula sa pananaw ng kanilang mga anak ay may lakip na pagmamahal, at pinagsisikapan nila ito nang husto. Lahat ng anak ay maaaring nakaranas na ng pagmamahal ng kanilang mga magulang. Ang pagmamahal ay hindi lamang kahinahunan at konsiderasyon kundi mahigpit ding pagkakastigo. Ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay higit pa ngang may lakip na pagmamahal at dahil sa pagmamahal, kaya nga ginagawa Niya ang lahat para iligtas ang tiwaling sangkatauhan. Hindi Niya ginagawa ang mga bagay-bagay para lamang magawa ang mga iyon kundi gumagawa Siya ng tumpak na mga plano, nagsasalita at gumagawa nang may paisa-isang hakbang. Sa oras at lugar, sa tono at paraan ng Kanyang pagsasalita, at sa gawaing Kanyang ginagawa…, masasabi mo na bawat isa sa mga ito ay naghahayag ng Kanyang pagmamahal at bawat isa ay saganang nagpapakita na ang Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan ay walang hanggan at hindi masusukat. Maraming tao na nasa pagsubok ng mga tagapagsilbi ang nagsabi ng mapanghimagsik na mga salita o nagbigay ng ilang reklamo, ngunit hindi ito naging dahilan para magalit Siya sa mga tao, lalong hindi Niya pinarusahan ang sinuman sa kanila dahil dito. Dahil mahal Niya ang mga tao, mapagparaya Siya sa lahat ng bagay. Kung walang pagmamahal ang Diyos kundi pagkamuhi lamang, matagal na sana Niyang kinondena ang lahat. Dahil mayroon Siyang pagmamahal, hindi Niya iniisip nang matagal ang mga bagay-bagay, mapagparaya Siya sa mga tao, nauunawaan Niya ang kanilang mga paghihirap, at lahat ng ginagawa Niya ay dahil sa pagmamahal. Ang Diyos lamang ang nakakaunawa sa mga tao, at kahit ikaw ay hindi mo nauunawaan ang iyong sarili. Alalahanin mong mabuti, hindi ba totoo iyan? Nagrereklamo ang ilang tao tungkol sa kung anu-ano kapag nahaharap sila sa mga pagsubok. Nagagalit ang mga tao tungkol sa mga walang-kuwentang bagay, at nabubuhay sila sa mga pagpapala ngunit ni hindi nila alam iyon. Walang sinumang makakaalam kung gaano kailangan ng Diyos na magdusa sa pagbaba sa lupa mula sa langit. Napakadakila ng Diyos; para maging isa Siyang tao, para maging isang walang-kabuluhan at abang tao, isang taong lubhang pinahiya, napakarami ng kailangan Niyang pagdusahan! Narito ang isang halimbawa mula sa mundo. Ang isang mabuting emperador ay mahal ang kanyang mga nasasakupan na tulad ng pagmamahal niya sa sarili niyang mga anak. Para mapagaan ang pagdurusa ng mga karaniwang tao, nakikihalubilo siya sa mga ito suot ang karaniwang damit bilang isang ordinaryong tao para siyasatin at unawain ang mga paghihirap ng mga ito. Dahil sa kanyang katayuan, ang magpababa sa katayuan ng isang karaniwang tao ay nakakahiya. Kailangan niyang mamuhay na tulad ng isang ordinaryong tao, at ang mga taong hindi nakakaalam na siya ang emperador ay ituturing siyang parang isang ordinaryong tao. Maraming panganib sa piling ng mga tao, walang nakakaalam kung ilan ang nagtatangkang patayin ang emperador o umagaw sa kapangyarihan, kaya kailangan niyang mas mag-ingat habang nakikihalubilo siya sa mga tao para maunawaan ang sitwasyon ng mga ito. Yamang hindi siya dapat magdusa nang ganito dahil sa kanyang katayuan at posisyon, paano niya nagagawa ito? Nais lamang niyang maging mabuting emperador at talagang gumawa ng isang bagay para sa mga karaniwang tao. Nais ng Diyos na lubos na iligtas ang sangkatauhan sa mga huling araw, at ang Kanyang paglalantad at paghatol sa sangkatauhan sa ganitong paraan ngayon ang siyang narating ng Kanyang plano ng pamamahala. Inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan dahil mahal Niya ang sangkatauhan. Mahal Niya ang sangkatauhan at itinutulak at nagaganyak Siya ng pagmamahal kaya Siya nagkatawang-tao at personal na nakipagsapalaran sa yungib ng leon para iligtas ang sangkatauhan. Nagagawa ito ng Diyos dahil mahal Niya ang sangkatauhan. Ang pagdaranas ng Diyos ng matinding kahihiyan sa pagkakatawang-tao para iligtas ang tiwaling sangkatauhang ito ay lubos na patunay na napakadakila ng Kanyang pagmamahal. Nakapaloob sa mga salita ng Diyos ang pangaral, pang-aalo, pampalakas-loob, pagpaparaya, pasensiya, ngunit mayroon ding paghatol, pagkastigo, pagsumpa, paglalantad sa publiko, at magagandang pangako. Anuman ang pamamaraan, dahil ito sa pagmamahal, at ito ang diwa ng Kanyang gawain. Lahat kayo ay may kaunting kaalaman sa Kanyang pagmamahal ngayon, ngunit hindi gaanong malalim ang kaalaman ninyo. Ang imahinasyon ng tao ay nakahalo sa kaalamang ito, at ang mararanasan ninyong pagmamahal Niya ay limitado. Kalaunan kapag nakalipas na ang ilan pang taon, madarama ninyo kung gaano kalalim at kadakila ang pagmamahal na ito, kung gaano ito kahirap ipaliwanag sa pananalita ng tao. Kapag nalalaman ng mga tao ang pagmamahal ng Diyos, nagkakaroon sila ng mapagmahal-sa-Diyos na puso. Kung walang mapagmahal-sa-Diyos na puso ang mga tao, paano nila masusuklian ang Kanyang pagmamahal? Kahit ialay mo pa ang iyong buhay, hindi mo pa rin masusuklian ang pagmamahal ng Diyos. Sa pagdaan ng ilan pang taon, malalaman ninyo kung ano ang pagmamahal ng Diyos. Pagkatapos, kapag ginunita ninyo ang mga kalagayan at pagpapamalas sa inyo ngayon, madarama ninyo ang napakatinding pagsisisi, at luluhod kayo sa harap ng Diyos. Bakit malapit at sabik na sinusundan ng karamihan sa mga tao ngayon ang Diyos? Ito ay dahil alam nila ang pagmamahal ng Diyos at nakikita na ang gawain ng Diyos ay para iligtas ang sangkatauhan. Isipin ninyo ito, ang gawain ng Diyos ay lubhang tumpak ang tiyempo, paisa-isa ang hakbang nito, nang walang anumang pagpapaliban. Bakit hindi Siya nagpapaliban? Iyon ay para iligtas ang sangkatauhan. Inililigtas Niya ang mga tao hanggang sa pinakamataas na posibleng antas, at ayaw Niyang mawala ang isang tao na maaaring iligtas, samantalang ang mga tao mismo ay walang pakialam sa kanilang kapalaran. Kaya sa gayon, ni hindi alam ng mga tao kung sino ang pinakanagmamahal sa kanila. Hindi mo mahal ang sarili mo at hindi mo alam kung paano itangi o pahalagahan ang sarili mong buhay, at Diyos lamang ang nagmamahal sa mga tao nang higit sa lahat. Iilang tao lamang ang nakararanas ng pagmamahal ng Diyos, ngunit karamihan ay kailangan pa itong maranasan. Naniniwala sila na ang pagmamahal sa kanilang sarili ay mas maaasahan, ngunit kailangang magkaroon sila ng mas malinaw na pagkaunawa sa uri ng pagmamahal nila sa sarili. Maililigtas ba ng mga tao ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanilang sarili? Ang pagmamahal lamang ng Diyos ang makapagliligtas sa mga tao, iyon lamang ang tunay na pagmamahal, at unti-unti mong mararanasan kung ano ang tunay na pagmamahal kalaunan. Kung hindi naging tao ang Diyos para gumawa at gabayan ang mga tao nang harapan, nang nakikipag-ugnayan sa kanila sa gabi’t araw at namumuhay sa piling nila, hindi magiging madali para sa kanila na tunay na malaman ang pagmamahal ng Diyos. Kung hindi naging tao ang Diyos at nagpahayag ng napakaraming katotohanan, hindi Siya kailanman makikilala ng mga tao, at walang sinumang makakaalam sa Kanyang pagmamahal.

Ang Diyos at ang tao ay hindi magkatulad ang uri at namumuhay sa dalawang magkaibang dako. Hindi magawang maunawaan ng mga tao ang wika ng Diyos, lalo na ang Kanyang mga iniisip. Ang Diyos lamang ang nakauunawa sa mga tao, at hindi mauunawaan ng mga tao ang Diyos. Tanging sa pagiging tao at pagiging katulad ng mga tao (magkatulad ang hitsura), at pagtitiis ng labis na pagpapahiya at pasakit para maligtas ang mga tao maipapaunawa at maipapaalam ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila. Bakit hindi kailanman sumuko ang Diyos sa pagliligtas sa mga tao? Hindi ba ito dahil sa Kanyang pagmamahal para sa mga tao? Nakikita Niya ang sangkatauhan na ginagawang tiwali ni Satanas, at hindi Niya makayanang bitiwan o sukuan ang mga ito. Ito ang dahilan kung bakit Siya mayroong plano ng pamamahala. Kung wawasakin ng Diyos ang sangkatauhan sa sandaling magalit Siya gaya ng iniisip ng mga tao, hindi na Niya kailangang magtiis ng pagdurusa para iligtas ang mga ito gaya ng ginagawa Niya ngayon. Ang pagdurusa rin mismo ng Diyos pagkatapos magkatawang-tao ang naghahayag ng Kanyang pagmamahal. Noon lamang unti-unting natuklasan ng sangkatauhan at nalaman ng lahat ng tao ang Kanyang pagmamahal. Kung hindi umiral ang ganitong uri ng gawain ngayon, malalaman lamang ng mga tao na mayroong Diyos sa langit at na mahal Niya ang sangkatauhan. Magiging doktrina lamang ito, at hindi kailanman mararanasan ng mga tao ang totoong pag-ibig ng Diyos. Tanging sa paggawa ng Diyos ng Kanyang gawain sa katawang-tao nagkakaroon ang mga tao ng totoong pagkaunawa sa Kanya. Ang pagkaunawang ito ay hindi malabo o hindi walang kabuluhan, o doktrina lamang ng mga salita, sa halip ito ay solido at aktuwal, dahil kapaki-pakinabang ang pagmamahal na ibinibigay ng Diyos sa mga tao. Ang gawaing ito ay magagawa lamang Niya sa katawang-tao, at hindi ito magagawa ng Espiritu. Gaano kadakila ang pagmamahal na ibinigay ni Jesus sa mga tao? Ipinako Siya sa krus para iligtas ang sangkatauhan, nagsisilbing walang-hanggang handog para sa kasalanan para sa kanila. Pumarito Siya para gawin ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan, hanggang sa Siya ay ipinako sa krus. Napakadakila ng pagmamahal na ito. Napakamakabuluhan ng gawain ng Diyos. Palaging may partikular na mga haka-haka ang maraming tao tungkol sa Diyos na naging tao, at ito ang pagkakamali nila. Bakit ka palaging may ganitong mga haka-haka? Kung hindi naging tao ang Diyos, ang paniniwala ng mga tao sa Diyos ay magiging mga walang-saysay na salita lamang, hungkag at hindi makatotohanan, at wawasakin pa rin sila sa huli sa kabila ng kanilang pananampalataya! Ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan ay pangunahing namamalas sa gawaing ginagawa Niya habang nasa katawan, sa personal na pagliligtas sa mga tao, pakikipag-usap sa mga tao nang harapan, at pamumuhay sa piling nila mismo. Wala ni katiting na distansiya, at walang pagkukunwari; totoo ito. Kaya Siya nagkatawang-tao at gumugol ng masasakit na taon sa piling ng mga tao sa mundo ay para iligtas ang sangkatauhan dahil sa Kanyang pagmamahal at awa sa kanila. Walang kondisyon at hinihinging anuman ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Ano ang matatanggap Niyang kapalit mula sa kanila? Malamig ang mga tao sa Diyos. Sino ang makapagtuturing sa Diyos bilang Diyos? Hindi man lang nagbibigay ang mga tao ng kahit katiting na ginhawa, at hindi pa rin nakatatanggap ang Diyos ng tunay na pagmamahal mula sa sangkatauhan hanggang sa araw na ito. Patuloy lamang na nagbibigay at naglalaan ang Diyos nang hindi iniisip ang Kanyang sarili, subalit hindi pa rin kontento ang mga tao at hingi pa rin nang hingi ng biyaya at mga pagpapala sa Kanya. Napakahirap pakitunguhan at napakagulo ng mga tao! Gayunman, sa malao’t madali ay darating ang araw na magtatamo ng mga resulta ang gawain ng Diyos at karamihan sa mga taong hinirang ng Diyos ang tunay na magpapasalamat mula sa kanilang puso. Ang mga nakaranas na nito sa loob ng mahabang panahon ay madarama ito. Manhid man ang mga tao, mga tao pa rin sila at hindi mga bagay na walang-buhay. Maaaring hindi maintindihan ng mga taong hindi pa naranasan ang gawain ng Diyos ang mga bagay na ito. Kinikilala lamang nila na tama ang mga katotohanang ito na ipinahayag ng Diyos, ngunit wala silang napakalalim na pagkaunawa dahil wala silang karanasan.

Nakagawa ang Diyos nang ilang taon sa katawang-tao at nakapagsabi ng napakaraming bagay. Nagsimula ang Diyos sa pagsubok ng mga tagapagsilbi at pagkatapos ay nagbigay Siya ng mga propesiya at sinimulan Niya ang gawain ng paghatol at pagkastigo, pagkatapos ay ginamit Niya noon ang pagsubok ng kamatayan para pinuhin ang mga tao. Pagkatapos ay inakay Niya ang mga tao sa tamang landas ng pagsampalataya sa Kanya. Sinasabi at ibinibigay ng Diyos ang lahat ng katotohanan, nilalabanan Niya ang lahat ng uri ng mga haka-haka ng tao. Pagkatapos ay binibigyan Niya ang mga tao ng kaunting pag-asa para tulutan silang makita na may pag-asang naghihintay sa kanila; ang Diyos at tao na magkasamang pumapasok sa isang magandang hantungan. Kahit isinasagawang lahat ang gawaing ito ayon sa plano ng Diyos, ginagawa ang lahat ng ito ayon sa mga pangangailangan ng sangkatauhan. Hindi ito basta-basta ginagawa; ginagamit ng Diyos ang Kanyang karunungan para gawin ang lahat ng gawaing ito. Ito ay dahil may pagmamahal ang Diyos kaya nagagawa Niyang gumamit ng karunungan para tratuhin nang taimtim ang mga tiwaling taong ito nang ganito. Hindi Niya kailanman pinaglalaruan ang mga tao sa anumang paraan. Mula sa tono at pananalita ng Diyos, kung minsan ay hinahatulan at kinakastigo Niya ang mga tao o sinusubok ang mga tao, kung minsan ay nagdaranas ng mga pagsubok at pagdurusa ang mga tao dahil sa isang partikular na pananalita, at kung minsan ay binibigyan Niya ang mga tao ng partikular na piling mga salita na nagpapalaya sa kanila at nagpapanatag ng kanilang loob. Tunay na pinag-iisipan Niya at binibigyan ng konsiderasyon ang mga tao. Kahit ang mga tao ay mga nilikha ng Diyos, at lahat ay nagawang tiwali ni Satanas, at kahit ang mga tao ay walang kuwenta, pawang basura lamang, at ganoon ang kanilang likas na pagkatao, hindi Niya tinatrato ang mga tao ayon sa kanilang diwa at hindi tinatrato ang mga tao ayon sa kaparusahang dapat nilang matanggap. Maaaring mahigpit ang Kanyang pananalita, ngunit palagi Niyang pinakikitunguhan ang mga tao nang may pasensiya, pagpaparaya, at habag. Dapat itong dahan-dahang pagnilayang mabuti ng mga tao! Kung hindi pinakitunguhan ng Diyos ang mga tao nang may pagpaparaya, habag, at biyaya, masasabi ba Niya ang lahat ng bagay na ito para iligtas sila? Bakit hindi na lamang Niya sila basta kondenahin? Gayunpaman ay hindi pa rin alam ng mga tao ang pagmamahal ng Diyos. Napakahangal at napakamangmang nila! Walang pagmamahal sa diwa ng mga tao. Hindi nila alam kung ano ang pagmamahal, at hindi nila alam kung bakit ito ginagawa ng Diyos. Kapag hindi pa nararanasan ng mga tao ang pagmamahal ng Diyos, nadarama lamang nila na ang gawaing ito ng Diyos ay medyo maganda, na kapaki-pakinabang ito sa mga tao, at na mababago nito ang mga tao, ngunit wala ni isang tao ang nag-iisip na “Napakaganda ng gawain ng Diyos, napakamakabuluhan ng Kanyang gawain! Napakalalim ng pagmamahal ng Diyos para sa mga tao. Talagang hindi Niya trinato ang mga tao na parang marurumi sila!” Hindi pa natatrato ng mga tao ang Diyos bilang Diyos, ngunit trinato ng Diyos ang mga tao bilang mga tao. Hindi ba ganoon iyon? Sinasabi ng Diyos na isa kang hayop, ngunit hindi ka pa Niya talaga trinato na parang hayop. Kung trinato ka ng Diyos na parang hayop, ibibigay pa rin ba Niya sa iyo ang katotohanan? Magdurusa pa kaya Siya nang napakatindi para iligtas ka? Masyadong naagrabyado ang ilang tao, na nagsasabing, “Sinasabi ng Diyos na wala akong kuwenta. Hiyang-hiya na akong mabuhay pa.” Hindi talaga nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos. Masasabi na maaaring hindi mo nararanasan nang napakalalim ang karunungan at matinding pagsusumikap ng gawain ng Diyos sa buong buhay mo. Ngunit gaano man kalalim o kababaw ang iyong karanasan, basta’t naunawaan mo na ito sa wakas at nagtamo ka ng kaunting kaalaman, sasapat na iyon. Hinihiling pa rin ng Diyos sa mga tao na unawain ang katotohanan, magtuon sa pagbabago ng kanilang disposisyon, at unti-unti lamang na palalimin ang kanilang pag-unawa sa katotohanan tungkol sa katapatan, pagpapasakop, at pagmamahal sa Diyos sa kanilang puso. Kung gugugol o magdurusa kahit kaunti ang mga tao, maaaring madama nila na malaki ang naiambag nila at ngayon ay may mataas na silang mga kwalipikasyon sa harap ng Diyos, at kung mag-aambag pa sila nang kaunti, ipagmamalaki nila ang kanilang mga kwalipikasyon, at kapag hindi binanggit ang mga ito, nanliliit sila at sumasama ang loob nila. Paano nagtataglay ng pagmamahal ang mga tao? Anong pagmamahal ang taglay ng mga tao? Nagtamo na ba ng tunay na pagmamahal ang Diyos mula sa sangkatauhan? Hindi ba Siya karapat-dapat sa pagmamahal ng sangkatauhan?

Taglamig, 1999

Sinundan: Ang Pagpili ng Tamang Landas ang Pinakamahalagang Bahagi ng Paniniwala sa Diyos

Sumunod: Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito