Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos
Hinihingi ng Diyos na ituring Siya ng mga tao bilang Diyos dahil lubha nang nagawang tiwali ang sangkatauhan, at hindi Siya itinuturing ng mga tao bilang Diyos, sa halip ay bilang isang tao. Ano ang problema sa mga taong palaging humihingi sa Diyos? At ano ang problema sa palagi nilang pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos? Ano ang nakapaloob sa kalikasan ng tao? Natuklasan Kong, anuman ang mangyari sa kanila, o anuman ang kanilang pinagdaraanan, palaging pinoprotektahan ng mga tao ang kanilang sariling mga interes at inaalala ang sariling katawan, at palagi silang naghahanap ng mga katwiran o dahilang mapakikinabangan nila. Kahit kaunti ay hindi nila hinahanap o tinatanggap ang katotohanan, at lahat ng kanilang ginagawa ay upang maipagtanggol ang kanilang katawan at magpakana para sa kanilang mga hangarin. Humihingi silang lahat ng biyaya sa Diyos, nagnanais na makamit ang anumang bentaheng kaya nilang makamit. Bakit masyadong maraming hinihingi ang mga tao sa Diyos? Pinatutunayan nito na likas na sakim ang mga tao, at sa harap ng Diyos, wala man lang silang taglay na anumang katwiran. Sa lahat ng ginagawa ng mga tao—sila man ay nagdarasal o nagbabahaginan o nangangaral—ang kanilang mga paghahangad, kaisipan, at minimithi, ang lahat ng bagay na ito ay paghingi sa Diyos at pagtatangkang humingi ng mga bagay sa Kanya, ginagawa ang lahat ng ito ng mga tao sa pag-asang may makamit mula sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao na “ito ang kalikasan ng tao,” na tama naman! Dagdag pa rito, ang sobra-sobrang paghingi ng mga tao sa Diyos at pagkakaroon nila ng labis-labis na pagnanais ay nagpapatunay na talagang walang konsiyensiya at katwiran ang mga tao. Lahat sila ay nanghihingi ng mga bagay para sa sarili nilang kapakanan, o sinusubukan nilang makipagtalo at maghanap ng dahilan para sa kanilang sarili—ginagawa nila ang lahat ng ito para sa kanilang sarili. Sa maraming bagay, makikitang ang ginagawa ng mga tao ay talagang walang katwiran, na ganap na patunay na ang satanikong lohika na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba” ay naging kalikasan na ng tao. Anong problema ang ipinapakita ng mga taong masyadong maraming hinihingi sa Diyos? Ipinapakita nito na ang mga tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas sa isang tiyak na punto, at sa kanilang pananalig sa Diyos, hindi nila talaga Siya itinuturing na Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Kung hindi namin itinuring ang Diyos bilang Diyos, bakit nananalig pa rin kami sa Kanya? Kung hindi namin Siya itinuring bilang Diyos, makasusunod pa rin ba kami sa Kanya hanggang ngayon? Matitiis ba namin ang lahat ng pagdurusang ito?” Sa panlabas, nananalig ka sa Diyos, at nagagawa mong sumunod sa Kanya, ngunit sa iyong saloobin sa Kanya, at sa iyong mga pananaw sa maraming bagay, hindi mo talaga itinuturing ang Diyos bilang ang Lumikha. Kung itinuturing mo ang Diyos bilang Diyos, kung itinuturing mo ang Diyos bilang ang Lumikha, dapat kang tumayo sa iyong posisyon bilang isang nilalang, at magiging imposible para sa iyo na humingi ng kahit ano sa Diyos, o magkaroon ng anumang labis-labis na hangarin. Sa halip, sa iyong puso, magagawa mong tunay na magpasakop, at magagawa mong ganap na manalig sa Diyos alinsunod sa Kanyang mga hinihingi, at magpasakop sa lahat ng Kanyang gawain.
Nang magsimulang masaksihan ang pagkakatawang-tao, nagreklamo ang lahat ng tao: “O Diyos, hindi Mo kami binigyang-liwanag bago Ka nagkatawang-tao para maihanda namin ang aming isip. Kung naihanda namin ang aming isip, matatanggap Ka namin sa halip na magrebelde at lumaban. Hindi ba’t Ikaw ay makapangyarihan sa lahat? Nagrerebelde at lumalaban kami sa Iyo dahil nagawa kaming tiwali ni Satanas at hindi namin maiwasang gawin ito. Wala Ka bang magagawa upang mapigilan kaming lumaban, at tulutan kaming makadaan nang walang kahirap-hirap?” Hindi ba’t ito ang iniisip ng mga tao? Naglatag din ang maraming tao ng mga kondisyon, sinasabing: “Wala kaming magagawa sa aming pagrerebelde at paglaban. Ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay lubos na hindi tugma sa aming mga kuru-kuro. Kung ang katawang-tao ng Diyos ay mas matangkad nang kaunti, o may pambihirang anyo, o mayaman sa kaalaman at mahusay magsalita, o nakapagpapakita kapag gusto Niya at nakakagawa ng mga palatandaan at kababalaghan, o kung nagpakita ang Diyos at gumawa nang nasa katawang-tao alinsunod sa mas maraming imahinasyon ng mga tao, hindi namin lalabanan ang Diyos.” Maraming tao ang humingi ng mga ito noong panahong iyon, ngunit hindi kumilos ang Diyos alinsunod sa mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao. Sa kabaligtaran, Siya ay lumaban at kumilos nang ganap na taliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito na ang mga kuru-kuro at hinihingi ng tao ay hindi makatwirang nakagugulo. Ang ilang tao ay naging mga lider ng iglesia ngunit hindi gumawa ng anumang totoong gawain, at inabala lang ang sarili sa ilang panlabas na gawain. Nang pungusan Ko ang mga taong ito, na nagsabi lang Ako ng kaunting salita ng pagsaway, nalungkot sila sa loob-loob nila, umiyak sila nang husto at naging negatibo. Sinabi nila sa kanilang sarili, “Hindi ba’t maawain at mapagmahal ang Diyos? Labis ang aking pagdurusa, bakit hindi Siya magsabi ng ilang magagandang salitang magpapagaan ng loob ko? Bakit hindi Siya magkaloob kahit isang salita ng pagpapala sa akin?” Ganito humingi ang mga tao sa Diyos, at puno sila ng sarili nilang mga pangangatwiran. Pakiramdam ng ilang tao ay mayroon silang kapital dahil matagumpay nilang naipalaganap ang ebanghelyo sa maraming iba pang tao, kaya pagkatapos makagawa ng pagkakamali at pungusan, nangatwiran sila: “Matagumpay kong naipalaganap ang ebanghelyo sa napakaraming tao nang walang gantimpala, at ngayon ay pinungusan ako nang ganito. Labis akong nagdusa, at sa huli, pinungusan pa rin ako. Bakit walang pakialam ang Diyos sa nararamdaman ko?” Nasa puso ba ng mga taong ganito mag-isip ang katotohanan? Makatwiran ba ang mga hinihinging ito? Kung pagagaanin Ko ang loob ng isang tao pagkatapos Ko siyang pungusan, iisipin niya, “Mabuti ang Diyos, hindi ko akalaing pagagaanin Niya ang loob ko.” Ngunit, kung pupungusan Ko ang ibang tao, at partikular na masama ang loob ng taong iyon, at hindi Ko pinagaan ang loob niya, iisipin ng taong iyon na, “Bakit pinagagaan ng Diyos ang loob ng iba pagkatapos silang pungusan, ngunit hindi Niya pinagagaan ang loob ko? Hindi patas ang Diyos sa akin,” at magkakaroon ng mga kuru-kuro sa kanyang puso. Nagkikimkim ang mga tao ng maraming hindi makatwirang hinihingi, imahinasyon, at hangarin sa kanilang puso na sa isang tiyak na panahon, at sa tamang kapaligiran, ay sasabog. Dahil wala sa kaisipan, ideya, o hinihingi na inihayag ng tao ang tugma sa Diyos, at puno ng mga satanikong bagay ang kalikasan ng tao: Lahat ng kanyang ginagawa ay para sa kanyang sarili, makasarili at sakim siya, labis-labis ang kanyang pagnanasa, at napakarumi at lubhang tiwali niya.
Palaging humihingi ang mga tao sa Diyos, anuman ang sitwasyon. Ano ang problema sa ganito? Ang ilang tao ay mananalangin sa Diyos kapag nagtatamasa sila ng kaginhawahan, nagsasabi, “O Diyos, protektahan Mo ako, hayaan Mong mamuhay ako sa ganitong kalagayan sa lahat ng oras.” Ang mga tao ay mayroon ding mga hinihingi kapag hindi sila nasisiyahan o sila ay nalulumbay: “Diyos ko, bakit hindi Mo ako pakitaan ng kabaitan? Bakit hindi Mo ako bigyan ng kaliwanagan? Bakit napakabuti ng mga bagay para sa ibang tao, ngunit napakasama para sa akin?” Kapag nahaharap sa paghihirap, mariing hinihingi ng mga tao na baguhin ng Diyos ang kanilang kapaligiran; kapag maayos ang lagay ng mga bagay, nagiging mas labis ang mga hinihingi ng mga tao. Kapag may nakukuha ang mga tao, mas nag-iimbot sila, at kapag hindi nila ito nakukuha, lubha nilang ninanais na makuha ito. Ano ang gustong makuha ng mga tao? Gusto nilang makuha ang mga bagay na gusto nila, at kung ano ang hinihingi ng mga interes ng kanilang katawan. Samakatuwid, wala sa mga hinihingi ng tao ang makatwiran o nararapat. Nang magbigay Ako ng ilang magagamit na damit o bagay sa ilang mahihirap na pamilya, hindi nasiyahan ang ilang tao na makita ito. Naisip nila, “Bakit palaging sila ang binabantayan ng Diyos ngunit hindi ako? Ang Diyos ay hindi patas!” Noong panahong iyon, hindi ito isinapuso ng iba, at naisip nila, “Dahil na sa biyaya ng Diyos kaya natatahak ko ang landas ng pananalig sa Kanya, at nasusundan ito nang ligtas hanggang ngayon. Hindi ko dapat hangarin ang mga materyal na bagay na iyon.” Ngunit matapos itong pag-isipan, nakaramdam sila ng pagkabalisa. Nang madama nilang hindi nila madaig ang pakiramdam na iyon, nagdasal sila, at pansamantalang huminto sa pag-iisip, ngunit ang mga bagay na iyon ay nasa puso pa rin nila—gaano man nila iyon timbangin, hindi pa rin maganda ang pakiramdam ng kanilang puso, at naisip nila sa sarili: “Nasaan ang pagiging matuwid ng Diyos? Bakit hindi ko ito makita? Hindi pinangangasiwaan nang patas o makatwiran ng Diyos ang alinman sa mga panlabas na gawaing ito, kaya saan naipapamalas ang Kanyang pagiging matuwid?” Pagkatapos ay nagbago ang loob at isip nila, “Ang pagiging matuwid ay hindi katulad ng pagiging patas o pagiging makatwiran, at hindi dapat pagsamahin ang mga ito,” ngunit balisa pa rin sila at hindi magawang hayaan na lang ang bagay na ito. Ang mga tao ay labis na nag-aalala sa kaunting materyal na interes, mas maganda sana kung magagawa nilang mag-alala nang ganito tungkol sa katotohanan. Ano’t anuman, bahagi ng kanilang kalikasan ang palaging paghingi sa Diyos sa puso nila, at ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay nagmamahal lahat sa mga materyal na pakinabang. Sa kabuuan, lahat ng hinihingi at binabalak ng mga tao—ang paghingi ng ganito at ganoon mula sa Diyos, ang pagbabalak dito at doon—ay hindi tugma sa katotohanan, at salungat sa mga kinakailangan at mga layunin ng Diyos. Wala sa kanila ang mahal ng Diyos, lahat sila ay kinasusuklaman at kinamumuhian Niya. Ang mga hinihingi ng mga tao sa Diyos, lahat ng kanilang hinahangad, at ang mga landas na kanilang tinatahak ay pawang walang kinalaman sa katotohanan. Iniisip ng ilang tao, “Maraming taon na akong nagtatrabaho para sa iglesia—kung may sakit ako, dapat akong pagalingin at pagpalain ng Diyos.” Sa partikular, ang mga nananalig sa Diyos sa mahabang panahon ay humihingi ng higit pa sa Kanya; ang mga maikling panahon pa lamang nananalig ay nakadarama na hindi sila karapat-dapat, ngunit pagkaraan ng ilang panahon, magsisimula silang makaramdam na sila ay may karapatan. Ganito talaga ang mga tao; ito ang kalikasan ng tao, at walang tao ang hindi kabilang dito. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako kailanman humingi nang labis sa Diyos dahil ako ay nilikha, at hindi ako karapat-dapat na humingi ng anuman sa Kanya.” Huwag agad sabihin iyon, panahon ang magbubunyag ng lahat. Ang kalikasan at layunin ng mga tao ay malalantad at lalabas balang araw. Hindi humihingi ang mga tao sa Diyos dahil hindi nila iniisip na ito ay kinakailangan, o nasa tamang panahon, o dahil napakarami na nilang hiningi sa Diyos, ngunit hindi lang nila napagtatanto na ito ay paghingi. Sa madaling salita, may ganitong uri ng kalikasan ang mga tao, kaya imposibleng hindi nila ito maibunyag. Sa tamang mga sitwasyon o pagkakataon, ito ay likas na mabubunyag. Bakit pagbabahaginan ito ngayon? Ito ay upang ipaunawa sa mga tao kung ano ang nasa sarili nilang kalikasan. Huwag mong isipin na ang pananalig sa Diyos sa loob nang ilang taon, o paggawa ng ilang araw na gawain para sa iglesia, ay nangangahulugan na gumugol, naglaan, o nagdusa ka na nang husto para sa Kanya at karapat-dapat kang makakuha ng ilang bagay, tulad ng pagtamasa sa mga materyal na bagay, pagtustos sa katawan, o higit na paggalang at pagpapahalaga ng ibang tao, o para kausapin ka nang malumanay ng Diyos, o para mas magmalasakit Siya sa iyo, at para madalas na magtanong kung kumakain at nagbibihis ka ba nang maayos, kung kumusta ang pisikal mong pangangatawan, at iba pa. Lumilitaw nang hindi sinasadya sa mga tao ang mga bagay na ito kapag mahabang panahon na silang gumugol para sa Diyos, at naiisip nila na karapat-dapat silang humingi ng anuman sa Kanya. Kapag maikling panahon pa lamang silang gumugugol para sa Diyos, iniisip nila na wala silang karapatan, at hindi sila nangangahas na humingi sa Diyos. Ngunit sa paglipas ng panahon, iisipin nila na mayroon silang kapital at magsisimulang lumabas ang kanilang mga hinihingi, at ang mga aspetong ito ng kanilang kalikasan ay malalantad. Hindi ba’t ganito ang mga tao? Bakit hindi pinag-iisipan ng mga tao kung tama bang humingi nang ganito sa Diyos? Karapat-dapat ka ba para sa mga bagay na ito? Ipinangako ba ng Diyos ang mga ito sa iyo? Kung hindi mo pag-aari ang isang bagay, ngunit pilit mo itong hinihingi, ito ay salungat sa katotohanan, at ganap na nagmumula sa iyong satanikong kalikasan. Paano kumilos ang arkanghel sa simula? Binigyan ito ng napakataas na posisyon, binigyan nang sobra-sobra, kaya naisip nito na karapat-dapat ito sa anumang naisin nito at sa anumang nakuha nito, hanggang sa wakas ay umabot sa puntong sinabi nitong, “Gusto kong maging kapantay ng Diyos!” Kaya naman nananalig sa Diyos ang mga tao nang may napakaraming hinihingi, napakagagarbong pagnanasa. Kung hindi nila susuriin ang kanilang sarili, at hindi mapagtatanto ang kalubhaan ng problema, isang araw ay sasabihin nila, “Bumaba ka, Diyos. Ako mismo ay maaaring maging halos Diyos na,” o, “Diyos, isusuot ko ang anumang isinusuot Mo, kakainin ko ang anumang kinakain Mo.” Ang mga taong naabot na ang antas na ito ay tinatrato na ang Diyos bilang isang tao. Bagamat berbal na kinikilala ng mga tao na ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang Diyos Mismo, mga paimbabaw na salita lamang ang lahat ng ito. Sa totoo, ang puso nila ay walang kahit katiting na pagpapasakop o takot sa Diyos. Gusto pa nga ng ilang tao na maging Diyos, at magkakaroon ng problema kung ang kanilang mga ambisyon at pagnanasa ay lumaki sa ganitong antas. Malamang na may darating na kapahamakan sa kanila, at kahit na sila ay patalsikin sa iglesia, parurusahan pa rin sila ng Diyos.
Dapat ituring ng mga nananalig sa Diyos ang Diyos bilang Diyos, at sa paggawa lamang nito sila tunay na nananalig sa Diyos. Hindi lang nila dapat kilalanin ang katayuan ng Diyos, dapat din silang magkaroon ng tunay na pagkaunawa at takot sa diwa at disposisyon ng Diyos, at maging ganap na mapagpasakop. Narito ang ilang paraan upang maisagawa ito: Una, panatilihin ang kabanalan at isang matapat na saloobin kapag nakikipag-ugnayan sa Diyos, nang walang anumang kuru-kuro o imahinasyon, at magtaglay ng isang pusong mapagpasakop. Pangalawa, ilagay ang mga layunin sa likod ng lahat ng iyong sinasabi, bawat tanong na iyong itinatanong, at lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos upang suriin ang mga ito at manalangin. Sa pamamagitan ng pag-alam kung paano magsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at nang may batayan sa salita ng Diyos, saka mo lang mapapasok ang katotohanang realidad. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan, hindi ka lamang hindi makapapasok sa katotohanang realidad, kundi makaiipon ka rin ng parami nang paraming kuru-kuro, at magdudulot iyon ng problema. Kapag itinuturing mo ang Diyos bilang isang tao, ang Diyos na iyong pinaniniwalaan kung gayon ay isang malabong Diyos sa langit; ganap mong itatanggi ang pagkakatawang-tao, at hindi mo na kikilalanin ang praktikal na Diyos sa iyong puso. Sa panahong ito, ikaw ay magiging isang anticristo at mahuhulog sa kadiliman. Habang mas marami kang pangangatwiran, mas marami kang hihingin sa Diyos, at mas marami kang magiging kuru-kuro tungkol sa Kanya, na maglalagay sa iyo sa mas malaking panganib. Habang mas marami kang hinihingi sa Diyos, mas pinatutunayan nitong hindi mo talaga tinatrato ang Diyos bilang Diyos. Kung palagi kang nagkikimkim ng mga hinihingi sa Diyos sa iyong puso, kung gayon, sa paglipas ng panahon, malamang na ituturing mo ang iyong sarili bilang Diyos, at magpapatotoo ka para sa iyong sarili kapag gumagawa ka sa iglesia, sasabihin mo pang, “Hindi ba’t nagpapatotoo ang Diyos para sa Kanyang sarili? Bakit hindi ko maaaring gawin iyon?” Dahil hindi mo naiintindihan ang gawain ng Diyos, magkakaroon ka ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, at hindi ka magkakaroon may takot sa Diyos na puso. Magbabago ang tono ng iyong boses, magiging mayabang ang iyong disposisyon, at sa huli, unti-unti mong dadakilain at patototohanan ang sarili mo. Ito ang proseso ng paglubog ng tao, at ito ay ganap na dala ng hindi niya paghahangad sa katotohanan. Ang lahat ng tumatahak sa landas ng mga anticristo ay dinadakila at pinatototohanan ang kanilang sarili, itinataguyod ang kanilang sarili at ipinangangalandakan ang kanilang sarili kahit saan, at wala talagang pakialam sa Diyos. Naranasan na ba ninyo ang mga bagay na ito na sinasabi Ko? Maraming tao ang patuloy na nagpapatotoo para sa kanilang sarili, nagsasalita tungkol sa kung paano nila pinagdurusahan ang ganito at ganoon, kung paano sila gumagawa, kung paano sila pinahahalagahan ng Diyos, at ipinagkakatiwala sa kanila ang ganoong gawain, at kung ano sila, na sadyang gumagamit ng mga partikular na tono habang nagsasalita, at nagpapakita ng ilang partikular na asal, hanggang sa kalaunan ay malamang na may ilang taong magsisimulang isipin na sila ay Diyos. Matagal nang tinalikuran ng Banal na Espiritu ang mga umabot sa antas na ito, at bagamat hindi pa sila napapaalis o naititiwalag, at sa halip ay pinanatili upang magserbisyo, napagpasyahan na ang kanilang kapalaran at hinihintay na lamang nila ang kanilang kaparusahan. Nangyari na ito sa ilang lugar. Nakita ng isang bagong mananampalataya na ang isang sister ay nagsalita at mukhang marangal, at napagkamalan niya itong Diyos. Nang oras na para umalis, ang bagong mananampalatayang ito ay kumapit sa hita ng sister at sumigaw, “O Diyos! Huwag kang umalis! O Diyos! Masasabik ako sa Iyo!” Malinaw sa sister na hindi siya Diyos, ngunit hindi niya ito itinanggi o itinama. May katwiran ba ang gayong tao? (Wala.) Wala talaga siyang katwiran, at tiyak na hindi siya mabuti! Ang ilang tao ay nalilito at mangmang, at tinatrato ang isang taong ganoon bilang Diyos—ito ay sadyang kakila-kilabot na bagay! At ang kumapit, nang umiiyak, sa kanyang hita ay sadyang napakamangmang na wala nang lunas! Kung naituturing mo bilang Diyos ang isang tiwaling tao na kay Satanas, sa paanong paraan ka nananalig sa Diyos? Hindi ba iyan pananalig kay Satanas? Gaano kaya kalito ang isang tao para tratuhin niya ang isang tao na parang Diyos? Kung nananalig ka sa Diyos, ngunit hindi mo kayang tanggapin o hangarin ang katotohanan, malamang na maililihis ka ng iba, at manganganib kang gumawa ng mga kahangalan at maliligaw. Tunay na nasa panganib ang mga hangal at mangmang na tao, kaya nilang gumawa ng lahat ng uri ng kahangalan.
Palaging humihingi ang mga tao sa Diyos, ipinagagawa sa Kanya ang ganito o ganoon ayon sa kanilang mga sariling kuru-kuro. Hinihiling mo sa Diyos na iligtas ka, kahabagan ka, mahalin ka, pakitaan ka ng biyaya—lahat ayon sa iyong mga ideya. Sa paggawa nito, ginagamit mo ang iyong mga sariling ideya at pamamaraan para humingi sa Diyos, at para mapasunod mo ang Diyos. Ano ang problema rito? Ito ba ay pananalig sa Diyos? Ang iyong pinaniniwalaan ay ang iyong sarili lamang. Wala ang Diyos sa iyong puso, ni anumang katotohanan. May isang taong binilhan Ako ng isang pares ng sapatos dala ng kabaitan, ngunit hindi ito kasya, kaya gusto Kong ibalik ang mga ito. Pero naisip Ko, kung ibabalik Ko ang mga ito, baka magkamali siya ng pagkaunawa, kaya ibinigay Ko ang mga ito sa ibang tao para isuot. Hindi niya ito matanggap nang malaman niya, at sinabing: “Alam Mo ba kung gaano karaming pagsisikap at pera ang aking ginugol, at kung gaano kalayo ang aking nilakbay upang bilhin ang mga ito? Madali Mong ibinigay ang mga ito, sa tingin Mo ba ganoon kadali para sa akin na kumita ng pera? Ibalik Mo ang mga ito kung ayaw Mong isuot ang mga ito—paano Mo nagawang ibigay ang mga ito sa iba?” Sabi Ko: “Hindi kita inatasang bilhan Ako ng sapatos. Binili at ibinigay mo sa Akin ang mga ito, ngunit hindi nagkasya ang mga ito kaya ipinamigay Ko ang mga ito para maisuot ng iba. Problema ba iyon? Kung ibabalik Ko sa iyo ang mga ito, hindi ba’t magiging negatibo at mahina ka, at magkakamali ka ng pagkaunawa sa Akin? Hindi ba Ako maaaring gumawa ng mga makatwirang pagsasaayos?” Angkop ba para sa mga tao na tratuhin Ako nang ganito? Tila may mga layunin at hinihingi pa rin ang mga tao kahit kapag may inihahandog sila sa Diyos. Ito ba ay isang taong nakakaunawa sa katotohanan? Kapag may inihandog ka sa Diyos, hindi na ito sa iyo, sa Kanya na ito. Magagawa ng Diyos ang anumang naisin Niya rito, at paano man Niya ito pangasiwaan ay Kanyang desisyon. Dapat magkaroon ang mga tao ng kaunting katwiran, matutong magpasakop, at hindi palaging makialam sa mga gawain ng Diyos. May katwiran ba ang palaging pakikipagtalo sa Diyos? Kapag bumibili ang mga tao ng mga bagay para sa Akin, tila puno sila ng lubos na kabaitan at pagmamahal sa Diyos, ngunit pagkatapos ay hihingin nila na dapat Ko silang magustuhan, at magrereklamo kung hindi. Higit pa rito, hindi tama kung hindi Ko gagamitin ang mga ito, gumagawa ang mga tao ng mga paghihigpit tungkol sa kung kanino Ko maaaring ibigay ang mga ito, at hindi Ako pinahihintulutan na gawin ito o iyon. Sinusuri at pinagninilayan nang ganito ng mga tao ang Diyos buong araw, iniisip na, “Bakit hindi kayang bigyang-kasiyahan ng Diyos ang mga pagnanasa ng tao?” Ganap na walang katwiran ang mga tao, lubos silang wala sa katwiran! Nalaman Kong sinasabi ng lahat ng tao, “Dapat mahalin ko nang husto ang Diyos, at suklian ang Kanyang pagmamahal,” ngunit wala silang kahit katiting na pagkaunawa sa kanilang puso kung ano ang ibig sabihin ng mahalin ang Diyos. Ang puso ng mga tao ay puno ng kanilang mga tiwaling disposisyon, kaya paano magkakaroon ng pagmamahal? Hindi ba’t ang pag-uusap tungkol sa pagmamahal at pagpapasakop sa Diyos ay walang iba kundi walang kabuluhang salita, kung ang mga tao ay napakatiwali na wala man lang silang katwiran ng isang normal na tao? Ang tanging mga bagay na nasa loob ng mga tao ay mga kuru-kuro at imahinasyon, sama ng loob, labis na pagnanasa, at ang kanilang mga hindi makatwirang hinihingi. Sadyang walang pagmamahal o pagpapasakop sa kalooban nila. Para sa mga tao, ang pagmamahal ay isa lamang mithiing dapat hangarin, isa lamang hinihingi ng Diyos. Ilan sa kanila ang nakagawa nito? Ilan ang may tunay na patotoong batay sa karanasan?
Ngayon na handa na kayong hangarin ang katotohanan at magsikap na baguhin ang inyong mga disposisyon, paano mo dapat pagnilayan ang iyong sarili kapag humihingi ka sa Diyos? Ang mga hinihingi mo ba ay naaayon sa katotohanan? Ano dapat ang iyong saloobin sa Diyos? Napag-isipan mo na ba ang mga tanong na ito? Nagiging mapagmataas ang ilang tao matapos pamunuan ang ilang iglesia, na iniisip nilang hindi makakaya ng sambahayan ng Diyos kung wala sila, at na karapat-dapat silang bigyan ng espesyal na pagtrato. May satanikong kalikasan ang mga tao, at kapag mas mataas ang posisyon ng isang tao, mas lumalaki ang kanyang hinihingi sa Diyos; kapag mas nauunawaan ng isang tao ang mga doktrina, mas nagiging tago at taksil ang mga hinihingi niya. Hindi man nila sabihin ang mga ito nang malakas, ngunit nakatago ang mga ito sa kanilang puso. Hindi ito madaling matuklasan ng ibang tao, ngunit sino ang nakaaalam kung kailan maaaring sumambulat ang mga reklamo at pagtutol sa loob ng isang tao? Nangangahulugan iyon ng higit pang kaguluhan, at malamang na malalabag nito ang disposisyon ng Diyos. Bakit mas nagiging isang lider o sikat ang isang tao sa mundo ng relihiyon, nanganganib siyang mas malamang na maging isang anticristo? Kapag mas mataas ang posisyon ng isang tao, mas lumalaki ang kanyang mga ambisyon; kapag mas naiintindihan ng isang tao ang mga doktrina, mas nagiging mapagmataas ang kanyang disposisyon. Kaya naman, mapanganib na manalig sa Diyos ngunit hinahangad ang katayuan sa halip na ang katotohanan. Nagpahayag ng napakaraming katotohanan ang Diyos, at ibinunyag at itiniwalag mula sa Kanyang sambahayan ang lahat ng hindi nagmamahal sa katotohanan, lalo na ang mga nasa relihiyosong grupo. Nakikita ba ninyo ang pangangailangan sa paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga tao? Kapag talagang naiintindihan ng mga tao ang katotohanan at mayroon silang pagpasok sa buhay, makikita nila ang realidad ng kanilang sariling katiwalian, at mararamdamang magiging mapanganib para sa kanila na hindi hangarin ang katotohanan. Sa ngayon, hindi talaga nauunawaan ng mga tao ang kanilang sariling kalikasan, at kung mayroon man silang kaunting mababaw na pagkaunawa, tungkol lamang ito sa mga doktrina, at hindi nila nakamit ang katotohanan. Samakatuwid, hindi nila iniisip na sila ay nasa panganib, ni hindi nila alam kung paano matakot, o mag-alala tungkol sa kanilang sarili. Ang ilang bagong mananampalataya ay nangangahas na magsabi at gumawa ng anumang bagay, ngunit ang mga nakaranas ng paghatol at pagkastigo ay naiiba. Medyo taglay nila ang isang pusong may takot sa Diyos, at kahit na nagkikimkim sila ng ilang kuru-kuro, hindi sila nangangahas sabihin ang mga ito, at alam nilang manalangin agad: “O Diyos, nagkasala ako sa Iyo….” Ang ilang bagong mananampalataya ay malakas ang loob na magsalita ng mga salita ng kalapastanganan nang hindi man lang nag-iisip, sinasabing “Nagdurusa ang Diyos? Pinagdurusahan ang ano? Kumakain at nagbibihis nang maayos, pinatutuloy sa bahay ng mga tao sa kung saan-saan—hindi iyon pagdurusa! Ngunit wala akong pakialam sa mga bagay na iyon. Nananalig ako sa Espiritu ng Diyos, hindi sa isang tao.” Naglalakas-loob silang itanggi ang pagkakatawang-tao. Ang mga taong ito ay may gayong kapangahasan. Wala talaga silang pusong may takot sa Diyos, hindi sila natatakot sa kahit ano, nangangahas silang magsabi ng kahit ano, at lahat sila ay may mala-demonyo at mala-hayop na kalikasan. Kung ang Itaas ay may maganda-gandang impresyon o opinyon tungkol sa isang tao, sinasabi ng ilang tao, “Ito ay isang sikat at pinapaborang tao sa iglesia, na tinatanggap nang mabuti sa sambahayan ng Diyos.” Naiintindihan ba ng ganitong uri ng tao ang katotohanan? Hindi kahit kaunti. Ang paraan niya ng pagtingin sa mga bagay-bagay ay ganap na inilantad na ang lahat ng nasa kanyang puso ay sa mundo pa rin. Ito ay isang ganap na sekular na pananaw at kagustuhan. Magkakaroon ba ng anumang epekto sa mga ganitong tao ang pananalig sa Diyos at pagbabasa ng Kanyang mga salita? Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, at ang kanilang paraan ng pagtingin sa mga bagay ay katulad ng sa mga walang pananampalataya. Sila ay talagang mga hindi mananampalataya.
Ang palaging paghingi sa Diyos ay bahagi ng kalikasan ng tao, at dapat ninyong himayin ang kalikasang ito ayon sa salita ng Diyos. Paano mo ito dapat himayin? Ang unang hakbang ay maging malinaw tungkol sa kung aling mga hindi makatwirang hinihingi, at kung aling mga labis na pagnanasa ang mayroon ang mga tao patungkol sa Diyos, at dapat mong himayin ang bawat isa sa mga ito: Bakit humihingi nang ganoon ang mga tao? Ano ang kanilang motibo? Ano ang kanilang layon? Kapag mas maingat mong hinihimay ito sa ganitong paraan, mas mauunawaan mo ang sarili mong kalikasan, at mas magiging detalyado ang pag-unawang iyon. Kung hindi mo ito detalyadong hihimayin, kundi nalalaman lang na ang mga tao ay hindi dapat humingi sa Diyos, na nauunawaan lamang na ang paghingi sa Diyos ay hindi makatwiran, at iyon lang, sa huli ay hindi ka uunlad, at hindi ka magbabago. Sinasabi ng ilang tao: “Marami kaming hinihingi sa Diyos dahil masyado kaming makasarili. Ano ang dapat naming gawin?” Natural na dapat maunawaan ng mga tao ang katotohanan at alamin ang diwa ng pagiging makasarili. Kapag tunay mong nauunawaan ang diwa ng pagiging makasarili ng tao, malalaman mo kung ano ang kulang sa iyo; ang nakatatakot ay kung hindi ito naiintindihan ng mga tao. Madaling makilala ang mga halatang magarbo o hindi makatwirang hinihingi sa pamamagitan ng paghihimay, at posibleng kamuhian ang iyong sarili. Minsan ay maaaring isipin mong makatwiran at patas ang iyong mga hinihingi, at dahil sa tingin mo ay makatwiran ito at sa tingin mo ay ganoon dapat ang mga bagay-bagay, at dahil ganoon din ang mga hinihingi ng iba, maaaring para sa iyo ay mukhang hindi labis ang iyong mga hinihingi, kundi may katwiran at natural. Ipinapakita nito na wala ka pa ring katotohanan, kaya naman hindi mo malinaw na maunawaan ang mga ito. Narito ang isang halimbawa: Ipagpalagay na mayroong isang tao na maraming taon nang sumusunod sa Diyos, at nagdusa nang husto sa maraming unos at hamon. Palaging mukhang wasto ang pag-uugali niya, at tila maayos siya pagdating sa kanyang pagkatao, kanyang pagdurusa, at kanyang pagkamatapat sa Diyos. Medyo may konsiyensiya pa nga siya, handang suklian ang pagmamahal ng Diyos, at karaniwang alam na maingat na humakbang habang isinasagawa ang kanyang gawain. Kalaunan, natuklasan Kong ang lalaking ito ay nagsasalita nang malinaw at maganda, ngunit hindi siya mapagpasakop kahit kaunti, kaya pinalitan Ko siya at iniutos na huwag na siyang gamitin muli sa hinaharap. Siya ay nagtrabaho para sa iglesia sa loob ng ilang taon, at nagdusa nang husto, ngunit sa huli ay pinalitan siya. Higit pa rito, hindi Ko nalutas ang ilan sa kanyang mga praktikal na paghihirap. Ano ang iisipin ng mga tao sa ganitong sitwasyon? Una, maraming tao ang magtatanggol sa kanya at sasabihing, “Hindi tama iyon. Sa mga ganitong sitwasyon, dapat siyang pakitaan ng Diyos ng dakilang awa at biyaya, dahil mahal niya ang Diyos, at gumugugol siya para sa Kanya. Kung ang isang tulad niya, na nananalig sa Diyos sa loob ng maraming taon, ay maaaring itiwalag, ano pang pag-asa ang mayroon ang mga bagong mananampalataya tulad namin?” Narito na naman ang mga hinihingi ng mga tao, palaging umaasa na pagpapalain ng Diyos ang taong iyon, at hahayaan siyang manatili, habang iniisip pa rin: “Tama ang naging pagtrato ng taong iyon sa Diyos, hindi siya dapat pabayaan ng Diyos!” Napakarami sa mga hinihingi ng mga tao sa Diyos ay nagmumula sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Sinusukat ng mga tao kung ano ang dapat ibigay ng Diyos sa mga tao, at kung paano Niya sila dapat tratuhin ayon sa mga pamantayan ng konsiyensiya para sa kung ano ang patas at makatwiran sa mga tao, ngunit paano ito naaayon sa katotohanan? Bakit Ko sinasabi na ang lahat ng hinihingi ng sangkatauhan ay hindi makatwiran? Dahil ito ang mga pamantayan na hinihingi ng mga tao sa ibang tao. Nasa tao ba ang katotohanan? Nahahalata ba nila ang diwa ng tao? Hinihingi ng ilang tao na tratuhin ng Diyos ang mga tao ayon sa pamantayan ng konsiyensiya, isinasama ang Diyos sa pamantayang hinihingi sa mga tao. Hindi ito naaayon sa katotohanan, at hindi ito makatwiran. Nagagawa ng mga taong magtiis pagdating sa ilang maliliit na bagay, ngunit maaaring hindi nila makayanan kapag natukoy na sa huli ang kanilang kahihinatnan. Lalabas ang kanilang mga hinihingi, at mamumutawi ang mga salita ng reklamo at pagkondena sa kanilang bibig nang walang pagpipigil, at magsisimula silang ipakita ang kanilang tunay na mga kulay. Sa oras na iyon, malalaman nila ang kanilang sariling kalikasan. Palaging humihingi ang mga tao sa Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao at sa sarili nilang kalooban, at marami silang hinihinging ganito. Maaaring hindi ninyo karaniwang napapansin, at iniisip na ang paminsan-minsang pagdarasal sa Diyos para sa isang bagay ay hindi maituturing na paghingi, ngunit ang totoo, ipinapakita ng maingat na paghihimay na hindi makatwiran, walang katuturan, at katawa-tawa pa nga ang maraming hinihingi ng tao. Hindi mo nakilala ang kalubhaan ng bagay na ito noon, ngunit unti-unti mo itong malalaman sa hinaharap, at pagkatapos ay magkakaroon ka ng tunay na pagkaunawa sa iyong sariling kalikasan. Unti-unti, ang karanasan ay magdadala sa iyo ng kaalaman at pagkakilala sa iyong kalikasan, at, kasama ng pagbabahaginan sa katotohanan, malalaman mo ito nang malinaw—kung magkagayon ay makapapasok ka na sa katotohanan sa bagay na ito. Kapag tunay mong naiintindihan nang malinaw ang kalikasang diwa ng tao, magbabago ang iyong disposisyon, at pagkatapos ay makakamtan mo ang katotohanan.
Wala nang mas mahirap pang harapin kaysa sa palaging paghingi ng mga tao sa Diyos. Sa sandaling ang mga kilos ng Diyos ay hindi umaayon sa iyong pag-iisip, o hindi naisakatuparan ang mga ito ayon sa iyong pag-iisip, malamang na lumaban ka—na sapat para maipakita na, sa kalikasan, lumalaban ka sa Diyos. Makikilala lang ang suliraning ito sa pamamagitan ng palaging pagninilay sa sarili magkagayon ay nagkakamit ng pagkaunawa sa katotohanan, at ganap na malulutas lang ito sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, marami silang hinihingi sa Diyos, samantalang kapag tunay nilang nauunawaan ang katotohanan, wala silang hinihingi; nararamdaman lamang nila na hindi sila lubos na nakapagbigay-lugod sa Diyos, na hindi sila lubos na nagpapasakop sa Diyos. Sinasalamin ng laging paghingi ng mga tao sa Diyos ang kanilang tiwaling kalikasan. Kung hindi mo magagawang kilalanin ang iyong sarili at tunay na magsisi kaugnay ng bagay na ito, mahaharap ka sa mga nakatagong panganib at peligro sa iyong landas ng pananalig sa Diyos. Nagagawa mong pagtagumpayan ang mga ordinaryong bagay, subalit kapag nasasangkot ang mahahalagang bagay tulad ng iyong kapalaran, mga adhikain, at patutunguhan, marahil ay hindi mo magagawang mapagtagumpayan ang mga ito. Sa oras na iyon, kung wala pa rin ang katotohanan sa iyo, maaaring muli kang mahulog sa mga dati mong paraan, at kung magkagayon, magiging isa ka sa mga nawasak. Maraming tao ang noon pa man ay sumusunod at nananalig na sa ganitong paraan; maganda ang pag-uugali nila sa panahong sumusunod sila sa Diyos, ngunit hindi nito matutukoy kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ito ay dahil hindi mo kailanman alam ang kahinaan ng tao, o ang mga bagay na nasa kalikasan ng tao na maaaring sumalungat sa Diyos, at bago ka nila dalhin sa kapahamakan, nananatili kang mangmang sa mga bagay na ito. Dahil ang usapin ng iyong kalikasan na sumasalungat sa Diyos ay hindi nalulutas, inihahanda ka nito sa kapahamakan, at posible na kapag natapos na ang iyong paglalakbay at natapos na ang gawain ng Diyos, gagawin mo ang pinakasumasalungat sa Diyos at magsasabi ka ng lumalapastangan sa Kanya, at sa gayon ay makokondena at ititiwalag ka. Sa huling sandali, sa pinakamapanganib na panahon, sinubukan ni Pedro na tumakas. Noong panahong iyon, hindi niya naunawaan ang layunin ng Diyos, at nagplano siyang mabuhay at gawin ang gawain ng mga simbahan. Nang maglaon, nagpakita sa kanya si Jesus at nagsabi: “Ipapapako mo ba Akong muli para sa iyo?” Naunawaan ni Pedro ang layunin ng Diyos, at mabilis siyang nagpasakop. Ipagpalagay na, sa sandaling iyon, mayroon siyang sariling mga hinihingi at sinabi, “Ayokong mamatay ngayon, natatakot ako sa sakit. Hindi ba’t ipinako Ka sa krus para sa aming kapakanan? Bakit Mo hinihiling na ako ay ipako sa krus? Maaari ba akong maligtas mula sa pagpako sa krus?” Kung humingi siya nang ganoon, nawalan sana ng kabuluhan ang landas na kanyang tinahak. Ngunit si Pedro ay isang taong nagpapasakop sa Diyos at hinahangad ang Kanyang layunin noon pa man, at, sa huli, naunawaan niya ang layunin ng Diyos at lubusang nagpasakop. Kung hindi hinangad ni Pedro ang layunin ng Diyos at kumilos ayon sa kanyang sariling pag-iisip, maling landas sana ang natahak niya. Ang mga tao ay walang kakayahang direktang maunawaan ang mga layunin ng Diyos, ngunit kung hindi sila magpapasakop pagkatapos maunawaan ang katotohanan, ipinagkakanulo nila ang Diyos. Ibig sabihin, ang palaging paghingi ng mga tao sa Diyos ay nauugnay sa kanilang kalikasan: Kapag mas marami silang hinihingi, mas naghihimagsik at lumalaban sila, at mas marami silang kuru-kuro. Kapag mas marami ang hinihingi ng isang tao sa Diyos, mas malamang na magrerebelde, lalaban, at sasalungat pa nga ito sa Kanya. Marahil, isang araw, magagawa nitong pagtaksilan at iwanan ang Diyos. Kung nais mong lutasin ang problemang ito, kailangan mong maunawaan ang ilang aspekto ng katotohanan at magkaroon din ng praktikal na karanasan upang lubusan itong maunawaan at ganap na malutas.
Sa pagsukat kung makakapagpasakop ba ang mga tao sa Diyos o hindi, ang susi ay kung mayroon sila o walang anumang labis-labis na pagnanais o lihim na motibo sa Kanya. Kung laging humihiling ang mga tao sa Diyos, pinatutunayan nito na hindi sila mapagpasakop sa Kanya. Anuman ang mangyari sa iyo, kung hindi mo ito tinatanggap mula sa Diyos, at hindi mo hinahanap ang katotohanan, at palagi kang nakikipagtalo para sa iyong sarili at palagi mong nadarama na ikaw lamang ang tama, at kung may kakayahan ka pa ngang pagdudahan na ang Diyos ang katotohanan at ang pagiging matuwid Niya, magkakaproblema ka. Ang mga gayong tao ang pinakamayabang at pinakasuwail sa Diyos. Ang mga taong palaging humihingi sa Diyos ay hindi tunay na nagpapasakop sa Kanya. Kung humihiling ka sa Diyos, pinatutunayan nito na sinusubukan mong makipagtawaran sa Diyos, na pinipili mo ang sarili mong kalooban, at kumikilos ka ayon dito. Dito, ipinagkakanulo mo ang Diyos, at walang pagpapasakop. Walang katwiran ang mismong paghingi sa Diyos; kung totoong naniniwala ka na Siya ang Diyos, hindi ka mangangahas na humiling sa Kanya, ni hindi mo mararamdamang karapat-dapat kang humingi sa Kanya, makatwiran man ang mga ito o hindi sa iyong palagay. Kung may totoo kang pananampalataya sa Diyos, at naniniwala na Siya ang Diyos, Siya lang ang sasambahin at sa Kanya ka lang magpapasakop, wala nang ibang pagpipilian pa. Hindi lamang gumagawa ng sarili nilang mga pagpili ang mga tao ngayon, hinihingi pa nilang kumilos ang Diyos alinsunod sa sarili nilang kagustuhan. Hindi lamang nila hindi pinipiling magpasakop sa Diyos, hinihingi pa nilang magpasakop sa kanila ang Diyos. Hindi ba’t napakawalang katwiran nito? Samakatuwid, kung walang totoong pananampalataya sa loob-loob ng isang tao, at walang malaking pananampalataya, hindi nila kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kapag nagagawa na ng mga taong bawasan ang mga hinihingi nila sa Diyos, mayroon na silang mas totoong pananalig at pagpapasakop, at normal na kung ihahambing ang kanilang pangangatwiran. Madalas mangyari na kapag mas mahilig makipagtalo ang mga tao, at kapag mas marami silang pangangatwiran, mas mahirap silang pakitunguhan. Hindi lamang sila maraming hinihingi, kundi kung pagbibigyan mo sila, lalo pa silang hihingi. Kapag nasiyahan sila sa isang aspeto, hihingi pa sila sa isa pa. Kailangan silang masiyahan sa lahat ng aspeto, at kung hindi, nagsisimula silang magreklamo, at itinuturing ang mga bagay-bagay na walang pag-asa at kumikilos sila nang padalos-dalos. Pagkatapos, nakadarama sila ng pagkakautang at pagsisisi, at nananangis sila ng mapapait na luha, at ibig nang mamatay. Ano ang silbi niyon? Hindi ba’t sila ay nagiging hindi makatwiran at walang patumanggang nakayayamot? Ang magkakasunod na problemang ito ay kailangang malutas mula sa ugat. Kung ikaw ay mayroong tiwaling disposisyon at hindi mo ito nilulutas, kung naghihintay ka hanggang sa malagay ka sa gusot o magdulot ka ng sakuna bago lutasin ito, paano mo mapupunan ang mga pagkawalang ito? Hindi ba’t magiging para itong pagkandado sa pinto ng kuwadra matapos makatakas na ang kabayo? Samakatuwid, upang lubusang malutas ang problema ng iyong tiwaling disposisyon, dapat mong hanapin ang katotohanan para malutas ito sa unang pagkakataong lumitaw ito. Dapat mong lutasin ang tiwaling disposisyon sa pag-usbong pa lamang nito, nang sa gayon ay matiyak na hindi ka makagagawa ng anumang mali at maiiwasan ang mga gusot sa hinaharap. Kung ang tiwaling disposisyon ay nag-uugat at nagiging saloobin at pananaw ng isang tao, magagawa nitong diktahan ang tao na gumawa ng kasamaan. Samakatuwid, ang pagninilay sa sarili at pagkakilala sa sarili ay pangunahing tungkol sa pagtuklas sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao, at mabilis na paghahanap sa katotohanan para malutas ang mga ito. Dapat mong malaman kung anong mga bagay ang nasa likas na pagkatao mo, kung ano ang gusto mo, ano ang hinahangad mo, at ano ang gusto mong makamit. Dapat mong himayin ang mga bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos para makita kung ang mga ito ay naaayon sa mga layunin ng Diyos, at sa paanong paraan nakakalinlang ang mga ito. Kapag naunawaan mo na ang mga bagay na ito, dapat mong lutasin ang problema ng iyong hindi normal na katwiran, ibig sabihin, ang problema ng iyong hindi makatwiran at walang patumanggang pagkayamot. Hindi lamang ito problema ng iyong tiwaling disposisyon, nauugnay rin ito sa iyong kawalan ng katwiran. Lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa kanilang mga interes, ang mga taong nadadala ng pansariling interes ay hindi nagtataglay ng normal na katwiran. Isa itong problema sa pag-iisip, at ito rin ang kahinaan ng mga tao. Pakiramdam ng ilang tao ay mayroon silang partikular na kakayahan at ilang kaloob, at palagi nilang gustong maging mga lider at mamukod-tangi, kaya hinihiling nila sa Diyos na gamitin sila. Kung hindi sila ginagamit ng Diyos, sinasabi nila, “Paanong hindi ako pinapaboran ng Diyos? Diyos ko, kung gagamitin Mo po ako para makagawa ng isang mahalagang bagay, nangangako akong gugugol para sa Iyo!” Tama ba ang ganitong uri ng layunin? Mabuting bagay ang gumugol para sa Diyos, ngunit mayroong mga motibasyon sa likod ng kagustuhan nilang gumugol para sa Diyos. Ang tunay na gustong-gusto nila ay katayuan, at ito ang pinagtutuunan nila. Kapag ang mga tao ay may kakayahang tunay na magpasakop, na tumatalima sa Diyos nang buong puso, ginagamit man sila o hindi ng Diyos, at gumugugol para sa Diyos mayroon man silang katayuan o wala, saka lang sila maituturing na nagtataglay ng katwiran at maging mapagpasakop sa Diyos. Mabuti kapag ang mga tao ay bukal sa loob na gumugugol para sa Diyos, at handa ang Diyos na gamitin ang ganitong mga tao, ngunit kung hindi sila nasasangkapan ng katotohanan, walang paraan ang Diyos para gamitin sila. Kung ang mga tao ay handang magsikap para sa katotohanan at makipagtulungan, dapat na magkaroon ng yugto ng paghahanda. Pormal lamang na magagamit ng Diyos ang mga tao kapag nauunawaan na nila ang katotohanan at kaya na nilang tunay na magpasakop sa Diyos. Mahalaga ang yugtong ito ng pagsasanay. Ang mga lider at manggagawa sa kasalukuyan ay naritong lahat sa yugtong ito ng pagsasanay. Pagkatapos nilang magkaroon ng karanasan sa buhay at kaya na nilang mag-asikaso ng mga usapin nang may mga prinsipyo, magiging marapat na silang gamitin ng Diyos.
Ang mga bagay sa kalikasan ng tao ay hindi tulad ng ilang panlabas na pag-uugali, gawi, o kaisipan at ideya na maaari lamang pungusin at iyon na iyon; dapat mailantad ang mga ito nang paunti-unti. Higit pa rito, hindi madali para sa mga tao na matukoy ang mga ito, at kahit pa matukoy ang mga ito, hindi madaling baguhin ang mga ito—ang paggawa nito ay nangangailangan ng sapat na malalim na pagkaunawa. Bakit palagi nating hinihimay ang kalikasan ng tao? Hindi ba ninyo naiintindihan kung ano ang ibig sabihin nito? Saan nagmumula ang mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Lahat ito ay nagmumula sa kanilang kalikasan, at lahat ito ay pinangingibabawan ng kanilang kalikasan. Bawat tiwaling disposisyon ng tao, bawat kaisipan at ideya, bawat layunin, lahat ay nauugnay sa kalikasan ng tao. Samakatuwid, sa pamamagitan ng paglalantad sa kalikasan ng tao, madaling malulutas ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Bagama’t hindi madaling baguhin ang kalikasan ng mga tao, kung matutukoy at makikilatis nila ang mga tiwaling disposisyon na kanilang inihahayag, at kung mahahanap nila ang katotohanan upang malutas ang mga ito, magagawa nilang unti-unting baguhin ang kanilang mga disposisyon. Sa sandaling nakamit na ng isang tao ang pagbabago sa kanyang buhay disposisyon, mababawasan nang mababawasan ang mga bagay sa loob nila na lumalaban sa Diyos. Ang layon ng paghihimay sa kalikasan ng tao ay baguhin ang kanyang mga disposisyon. Hindi pa ninyo nauunawaan ang layong ito, at iniisip na sa pamamagitan lamang ng paghihimay at pag-unawa sa inyong kalikasan ay makakapagpasakop kayo sa Diyos at maibabalik na ang inyong katwiran. Ang ginagawa lang ninyo ay pikit-matang naglalapat ng mga patakaran! Bakit hindi Ko na lang ilantad ang kayabangan at pagmamagaling ng mga tao? Bakit kailangan Ko ring himayin ang kanilang tiwaling kalikasan? Hindi malulutas ang problema kung ilalantad Ko lamang ang kanilang pagmamagaling at kayabangan. Ngunit kung hihimayin Ko ang kanilang kalikasan, ang mga aspeto na saklaw nito ay napakalawak, at kabilang dito ang lahat ng tiwaling disposisyon. Ito ay higit pa sa makitid na sakop ng pagmamagaling, labis na pagpapahalaga sa sarili, at kayabangan. Higit pa rito ang kabilang sa kalikasan. Kaya, makabubuti kung makikilala ng mga tao kung gaano karaming tiwaling disposisyon ang kanilang inihahayag sa lahat ng iba’t ibang hinihingi nila sa Diyos, ibig sabihin, sa kanilang labis na pagnanasa. Sa sandaling maunawaan na ng mga tao ang kanilang sariling kalikasang diwa, magagawa na nilang kamuhian at itatwa ang kanilang sarili; magiging madali na para sa kanila na lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at magkakaroon na sila ng landas. Kung hindi, hindi ninyo kailanman malalantad ang pinag-ugatan, at sasabihin lamang ninyo na ito ay pagmamagaling, kayabangan, o pagmamalaki, o kawalan ng katapatan. Malulutas ba ng pagtalakay lang sa gayong mabababaw na bagay ang inyong problema? May pangangailangan bang talakayin ang kalikasan ng tao? Sa simula, ano ang kalikasan nina Adan at Eba? Walang sinasadyang pagtutol sa kalooban nila, lalo na ang hayagang pagkakanulo. Hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng labanan ang Diyos, lalo na kung ano ang ibig sabihin ng pagpapasakop sa Kanya. Anuman ang ipinakalat ni Satanas, tinanggap nila sa kanilang puso. Ngayon ay ginawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan hanggang sa puntong kayang suwayin at labanan ng mga tao ang Diyos sa lahat ng bagay, at kaya nilang mag-isip ng lahat ng uri ng mga paraan upang salungatin Siya. Maliwanag na ang kalikasan ng tao ay katulad ng kay Satanas. Bakit Ko sinasabi na ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas? Si Satanas ay yaong lumalaban sa Diyos, at dahil ang mga tao ay may satanikong kalikasan, sila ay kay Satanas. Bagamat maaaring ang mga tao ay hindi sinasadyang gumawa ng mga bagay upang labanan ang Diyos, dahil sa kanilang satanikong kalikasan, lahat ng kanilang iniisip ay lumalaban sa Diyos. Kahit pa ang mga tao ay walang gawin, nilalabanan pa rin nila ang Diyos, dahil ang panloob na diwa ng tao ay naging isang bagay na lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, ang tao sa kasalukuyan ay iba sa taong kalilikha pa lang. Walang paglaban o pagtataksil sa kalooban ng mga tao noon, puno sila ng buhay, at hindi pinangingibabawan ng anumang satanikong kalikasan. Kung walang pangingibabaw o panggugulo ng satanikong kalikasan sa kalooban ng mga tao, anuman ang gawin nila, hindi iyon maituturing na paglaban sa Diyos.
Ano ang kalikasan? Ang kalikasan ay ang diwa ng tao. Ang mga disposisyon ay mga bagay na nahahayag mula sa kalikasan ng isang tao, at ang pagbabago sa disposisyon ay nangangahulugan na ang tiwaling disposisyon ng isang tao ay nadalisay at napalitan na ng katotohanan. Ang nalalantad kung gayon ay hindi isang tiwaling disposisyon, kundi isang pagpapamalas ng normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang tao, ang tao ay naging pagsasakatawan ni Satanas, at ng uri ng satanikong bagay na lumalaban sa Diyos at ganap na may kakayahang ipagkanulo Siya. Bakit hinihingi ng Diyos na baguhin ng mga tao ang kanilang disposisyon? Dahil gusto ng Diyos na gawing perpekto at makamit ang mga tao, at magtaglay ng maraming naidagdag na mga realidad ng pagkakilala sa Diyos at ng mga realidad ng lahat ng aspeto ng katotohanan. Ang mga taong tulad nito ay ganap na alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Noon, may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at nagkakamali o nagpapakita ng paglaban sa tuwing may ginagawa sila, ngunit ngayon ay nakauunawa na ang mga tao ng ilang katotohanan, at nakagagawa ng maraming bagay na naaayon sa mga layunin ng Diyos. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na ang mga tao ay hindi nagtataksil sa Diyos. Nagagawa pa rin ito ng mga tao. Isang bahagi ng kung ano ang nabubunyag mula sa kanilang kalikasan na maaaring mabago, at ang bahagi na maaaring magbago ay ang bahagi kung saan nakapagsasagawa ang mga tao alinsunod sa katotohanan. Ngunit hindi ibig sabihin na naisasagawa mo na ang katotohanan ay nagbago na ang kalikasan mo. Tulad ito ng kung paanong ang mga tao ay palaging may mga kuru-kuro at hinihingi sa Diyos noon, at ngayon sa maraming aspeto ay wala na—ngunit maaaring mayroon pa rin silang mga kuru-kuro o hinihingi sa ilang bagay, at nagagawa pa rin nilang ipagkanulo ang Diyos. Maaaring sabihin mo, “Kaya kong magpasakop sa anumang gawin ng Diyos, at magpasakop sa maraming bagay nang walang reklamo at walang hinihingi,” ngunit magagawa mo pa ring ipagkanulo ang Diyos sa ilang bagay. Bagamat hindi mo sinasadyang lumaban sa Diyos, kapag hindi mo nauunawaan ang Kanyang mga layunin, malalabanan mo pa rin ang mga pagnanais Niya. Kaya, ano ang ibig sabihin ng bahaging maaaring magbago? Iyon ay kapag nauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos, makakapagpasakop ka, at kapag nauunawaan mo ang katotohanan, maisasagawa mo ito. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos sa ilang bagay, may posibilidad pa rin na makapaglantad ka ng katiwalian. Kung naiintindihan mo ang katotohanan, ngunit hindi mo ito isinasagawa dahil napipigilan ka ng ilang bagay, pagkakanulo ito, at ito ay bagay na nasa iyong kalikasan. Siyempre, walang limitasyon sa kung gaano magbabago ang iyong disposisyon. Kapag mas maraming katotohanan ang iyong natatamo, ibig sabihin, kapag mas malalim ang pagkakilala mo sa Diyos, mas hindi mo Siya lalabanan at ipagkakanulo. Ang paghahangad na baguhin ang disposisyon ay pangunahing nakakamit sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan, at ang pag-unawa sa sariling kalikasang diwa ay nakakamit sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan. Kapag ang isang tao ay tunay na nakamit ang katotohanan, malulutas ang lahat ng kanyang problema.
Taglamig, 1999