Ang Pagpili ng Tamang Landas ang Pinakamahalagang Bahagi ng Paniniwala sa Diyos

Sa panahon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw, isang minorya lamang ng mga tao ang nakayang talikuran ang kanilang mga pamilya at talikuran ang lahat upang taos-pusong gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos. Ang lahat ng taong ito ay may ilang tunay na patotoong batay sa karanasan, at lahat sila ay may partikular na antas ng tayog. Hindi nila iniisip na isang malaking paghihirap ang talikuran ang kanilang pamilya at propesyon upang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Kahit na abutin sila ng sampung taon, o ng habang-buhay nang hindi umuuwi, handa silang gawin ito. Hindi nila nararamdamang mahirap itong gawin. Ito ang lakas na ibinigay sa kanila ng Banal na Espiritu. Ngunit kung ang kanilang tayog ang pag-uusapan, hindi ito aabot sa ganitong antas, dahil bagaman nauunawaan nila ang ilang katotohanan, hindi pa sila nakakapasok sa katotohanang realidad, o nakapagkakamit ng katotohanan. Mayroon lamang silang kaunting katapatan para sa paggugol ng kanilang sarili para sa Diyos. Kung ang isang tao ay may paninindigan na hangarin ang katotohanan, at binibigyan siya ng Banal na Espiritu ng ilang biyaya bukod pa rito, nakakaramdam siya ng higit na kasiyahan sa sandaling iyon; nagkakamit siya ng isang uri ng kalakasan, at nagagawang umahon mula sa mga gapos ng sekular na mundo upang gumugol para sa Diyos—ito ang biyaya ng Diyos. Ngunit may mga partikular na indibidwal na hindi nag-aasikaso ng kanilang wastong gawain habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin; hindi talaga nila hinahangad ang katotohanan at bukod pa roon ay may potensyal pa silang makisali sa lahat ng uri ng maling gawain. Sa gayong mga kaso, hindi gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu. Ang mga motibasyon ng mga ganitong tao ay hindi matuwid, at hindi sila tunay na mga mananampalataya ng Diyos. Kahit gumawa sa kanila ng kaunting gawain ang Banal na Espiritu noon, ito ay nawalan na ng bisa, at, nang hindi nila nalalaman, mali na ang landas na natatahak nila. Kung isa kang taong may paninindigang hangarin ang katotohanan, bibigyan ka ng Banal na Espiritu ng ilang biyaya upang iyong tamasahin, at pagkatapos ay maaari ka nang umusad sa iyong paghahangad sa landas na kung saan ka inaakay ng Banal na Espiritu; ang katotohanan ay lilinaw nang lilinaw sa iyo, ang iyong paninindigan ay titibay nang titibay, at magiging lalong madali para sa Banal na Espiritu na gumawa sa iyo. Kapag ang isang tao ay hindi lumalakad sa tamang landas ng paghahangad sa katotohanan, ititiwalag siya ng Banal na Espiritu sa huli. Matapos itiwalag, ang kanyang orihinal na paninindigan, ang kanyang orihinal na masidhing damdamin, at ang kanyang motibasyon na tumalikod at gumugol ay ganap na nawawala. Nakakaramdam siya ng panghihinayang, at iniisip niya, “Kung alam kong darating ang araw na ako ay ititiwalag, hindi na sana ako naniwala sa Diyos sa simula pa lang.” Sa puntong ito, ang kanyang panghihinayang, mga reklamo, at pagiging negatibo ay lumalabas lahat. Sa realidad, ang Banal na Espiritu ay matagal nang huminto sa paggawa sa kanya. Bagaman ipinalalaganap niya ang ebanghelyo, bagaman mahusay siyang magsalita, at nagkamit ng ilang resulta, ito ay hindi dulot ng kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu. Sa halip, ito ay dahil ang taong ito ay may ilang katalinuhan at ilang kakayahan. Hindi ito nangangahulugan na ang Banal na Espiritu ay gumawa sa kanya. Katulad siya ng mga trabahador—bagaman ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa sa kanya, nagagawa pa rin niyang pansamantalang magtrabaho nang kaunti. Anu’t anuman, mayroon siyang ilang talento at kakayahan; sadya lamang na sa halip na hangarin ang katotohanan, at sikaping gampanan nang mabuti ang kanyang mga tungkulin at suklian ang pagmamahal ng Diyos, hinahangad niya ang katanyagan, benepisyo, katayuan, mga pagpapala, at isang malaking korona. Samakatuwid, habang patuloy siyang naglalakad, naglalaho ang kanyang landas, at nagiging mahirap para sa kanya na humakbang nang kahit isa. Ito ang kinahihinatnan ng lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan.

Ngayon, maraming tao ang nagsasabing, “Alam kong masama ang aking likas na pagkatao. Puno ako ng matitinding damdamin at lubha akong mapaghimagsik.” Ngunit sa kabila nito, ang mga taong ito ay walang kaalaman sa kanilang sariling likas na pagkatao, at hindi nila nauunawaan ang anumang aspeto ng katotohanan. Gaano man sila kahusay magsalita tungkol sa mga doktrina, na tila ba nauunawaan nila ang lahat, hindi nila maisakatuparan ang mga bagay na ito. Higit pa ito sa sapat upang mapatunayan na ang gawain sa kanila ng Banal na Espiritu ay naglaho na. Ano man ang iyong pagkatao, o gaano man karaming doktrina ang iyong nauunawaan, at gaano man karami ang iyong pinagdusahan at tinalikuran, hangga’t hindi gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, nagpapatunay ito na hindi mo mahal ang katotohanan. Gaano man kaalab ang iyong damdamin, kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu ay maguguluhan ka. Gaano kalakas ang kaunting lakas na mayroon ang tao? Gaano kalaki ang kaunting pananampalataya na mayroon ang tao? Ano ang silbi ng kaunting kaalaman na mayroon ang tao? Gawing halimbawa ang panunupil, pag-aresto, at pagkukulong sa mga mananampalataya ng Diyos. Malimit silang inuusig, tinutugis, at napipilitan silang tumakas papunta sa iba’t ibang lugar mula nang una silang manampalataya sa Diyos, at nag-iwan ito ng hindi mabuburang marka sa kanilang mga isip at puso. “Kung mahuli ako, hindi ako maaaring maging gaya ni Hudas; hindi ko kailanman ipagkakanulo ang iglesia”—hindi ba’t karamihan sa mga tao ay inihanda na ang sarili nila nang ganito? Ngunit kapag nahuli na talaga sila, hindi sila ang magpapasya rito. Kung hindi sila nananalangin sa Diyos at umaasa sa Kanya, kung gayon ay hindi gagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, at hindi nila magagawang manindigan. Hindi isang sandali ng kalituhan ang nagsasanhi sa mga tao na maging gaya ni Hudas. Gaya ng sinabi Ko dati, kung ano ang mangyayari sa iyo sa huli, at ano ang iyong magiging kahihinatnan, ay pangunahing nakadepende sa kung minamahal at tinatanggap mo man ang katotohanan. Ito ang pinakamahalaga. Pagkatapos niyon, nakadepende ito sa kung palaging nasa iyo ang gawain ng Banal na Espiritu, at kung nauunawaan mo ang katotohanan at naninindigan ka sa iyong patotoo. Ito ang mga pangunahing bagay na pinagbabatayan nito. May mga tao na may labis na kasigasigan noong kasisimula pa lang nilang gumanap ng kanilang mga tungkulin, at pakiramdam nila ay hindi nauubos ang kanilang enerhiya. Kaya bakit nagsisimula silang mawalan ng lakas na ito sa paglipas ng panahon? Kung sino sila noon at sino sila ngayon ay tila lubos na magkaibang tao—bakit sila nagbago? Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil mali ang kanilang tinahak na landas, at hindi sila pumasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Tinahak nila ang landas ng paghahangad sa mga pagpapala. May ilang bagay na natatago sa kanilang mga intensyon. Anong mga bagay ang natatago? Kapag ang mga tao ay nananalig sa Diyos, nagkikimkim sila ng pag-asa sa kanilang puso—umaasa sila na darating ang araw ng Diyos sa lalong madaling panahon, at na matatapos na ang lahat ng kanilang pagdurusa, umaasa sila na magbabagong-anyo ang Diyos at babalik sa Zion, at sa gayon ay mawawala na ang kanilang mga paghihirap. Umaasa ang lahat ng tao na isang araw ay makakauwi sila at muling makakasama ang kanilang mga mahal sa buhay. Umaasa sila na darating ang araw na hindi na sila uusigin, kung kailan tunay na silang magiging malaya, at lantarang makasasampalataya sa Diyos; sa panahong iyon, wala nang maghihigpit sa kanila, at maaari na silang mamuhay sa isang komportableng kapaligiran, makakain nang mabuti, at makapagsuot ng magagandang damit. Hindi ba’t lahat ng tao ay may gayong mga inaasam? Umiiral ang mga pag-asang ito sa kailaliman ng puso ng mga tao dahil ang laman nila ay tutol sa paghihirap. Sa mga panahon ng paghihirap, umaasa sila sa mas magagandang araw. Hindi nalalantad ang gayong mga bagay kung walang pag-uusig at pagdurusa. Kung walang pag-uusig at pagdurusa, tila may malakas na pananalig ang mga tao. Mukha silang may antas ng tayog, upang maunawaan nang mabuti ang katotohanan, at maging puno ng lakas. Gayunpaman, kapag isang araw ay nakaranas sila ng pang-uusig at pagdurusa, ang mga inaasam ng kanilang laman, ang kanilang mga imahinasyon, at labis na pagnanasa ay sumasambulat. Nagsisimulang lumitaw ang tunggalian sa kanilang mga puso, at may ilang taong nagsisimulang maging negatibo at mahina, at umuusbong sa loob nila ang mga pagdududa at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Hindi nauunawaan ng mga tao ang layunin ng Diyos. Hindi sa hindi nagbibigay ang Diyos ng daan palabas o nagkakaloob sa kanila ng Kanyang biyaya, at tiyak na hindi dahil sa hindi nauunawaan ng Diyos ang kanilang mga paghihirap. Sa halip, ang pagdanas mo ng paghihirap na ito ngayong sumusunod ka kay Cristo ay isang pagpapala, dahil imposibleng makamit ng mga tao ang kaligtasan at mabuhay nang hindi tinitiis ang paghihirap na ito. Ito ay itinakda ng Diyos, kaya, isang pagpapala na mangyari sa iyo ang paghihirap na ito. Hindi mo ito dapat tingnan sa isang simplistikong paraan; hindi ito isang usapin kung saan pinahihirapan at pinaglalaruan ang mga tao, at iyon na iyon. Ang kahalagahan nito ay labis na malalim at malaki! Ang iukol ang iyong buong buhay sa paggugol ng iyong sarili para sa Diyos nang hindi naghahanap ng kasama o umuuwi ay makabuluhan. Kung tatahakin mo ang tamang landas at hahangarin ang mga tamang bagay, kung gayon ay tatanggap ka sa huli ng higit pa sa natanggap ng lahat ng mga santo sa lahat ng kapanahunan, at tatanggap ng mas malaki pang mga pangako. Palaging iniisip ngayon ng ilang tao, “Maaalala kaya ako ng Diyos sa pagtitiis ng mga paghihirap na ito? Paano kung walang makakasuporta sa akin sa pagtanda ko? Sino ang mag-aalaga sa akin kung ako ay magkasakit? May pakialam ba ang Diyos? Kailan matatapos ang paghihirap na ito? Kailan ko makikita sa wakas ang magandang bukas?” Ang gayong mga tao ay laging umaasa sa mga bagay na ito, umaasa na magbabagong-anyo ang Diyos at ililigtas sila sa paghihirap para matamasa nila ang mga pagpapala ng kaharian ng langit. Hindi nila pinag-iisipan kung ano ang kabuluhan ng pagsunod sa Diyos at pagtitiis ng paghihirap, o kung bakit kailangan nilang tiisin ang paghihirap na ito upang makamit ang katotohanan. Talagang napakahina ng kanilang pananampalataya! Pagdating sa kanilang pananampalataya sa Diyos, ang lahat ay may makasariling mga kalkulasyon. Batay rito, likas na sa tao ang magtaksil sa Diyos. Walang tunay na nagmamahal sa Diyos, walang tunay na makakapagpakita ng konsiderasyon sa mga layunin ng Diyos, o magiging kaisa sa puso at isip ng Diyos sa pagpapalawak ng gawaing ebanghelyo. Hindi makapaghintay ang mga tao na umalis ang Diyos sa lupa at magbagong-anyo, para mailigtas na Niya sila sa paghihirap at tulutan silang matamasa ang buhay sa kaharian ng langit. Ito ang inaasam ng karamihan sa mga tao. Iniisip ng maraming tao, “Kapag iniwan tayo ng Diyos at bumagsak ang malaking pulang dragon, kung gayon ay maaaring tayo ang maging nasa kapangyarihan, at hindi na natin kailangang maghirap. Pamumunuan natin ang lahat ng mga bansa at mga tao gamit ang kamay na bakal—hindi ba’t makikita na natin kung gayon ang magandang bukas? Sa panahong iyon, lantarang magpapakita ang Diyos at parurusahan at wawasakin ang bawat Satanas at demonyo, ang kaharian ni Cristo ay mamamalas sa lupa, at hindi na tayo mauusig pa ng mga Satanas at mga diyablo.” Bagaman hindi mali ang magkaroon ng ganitong pag-asa, may ilang maling kalagayan sa loob ng mga taong ito. Ang palaging paghahangad ba na makatakas sa paghihirap at magtamasa ng ginhawa ay pagpapakita ng konsiderasyon sa mga layunin ng Diyos? Nabibigyang-kasiyahan ba nito ang Diyos? Hindi ganap na nauunawaan ng karamihan sa mga tao ang kabuluhan ng pagdanas ng paghihirap.

Walang nagbabalak na tahakin ang landas ng pagsunod sa Diyos sa buong buhay nila, na hangarin ang katotohanan para makamit ang buhay, na magtamo ng kaalaman sa Diyos, na magawang magpatotoo para sa Kanya, o sa huli ay maipamuhay ang isang makabuluhang buhay gaya ni Pedro. Karamihan sa mga tao ay ayaw maghirap at hindi talaga tumatanggap sa katotohanan, ngunit nais nilang matamasa ang mga pagpapala ng kaharian ng langit sa lalong madaling panahon, at mahilig silang maghanap ng katanyagan, benepisyo, at mga pakinabang ng katayuan. Ito ay maaaring magligaw sa kanila. Kapag nakararanas sila ng pasakit, mga dagok, o kabiguan, malamang na sila ay maging negatibo o mahina, at hindi magkaroon ng puwang para sa Diyos sa kanilang puso. Hindi gagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, at ilang tao ang nanaisin pang umatras. Kung ang isang tao ay maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, ngunit hindi nagtataglay ng katiting na katotohanang realidad, isa itong napakamapanganib na bagay! Nakakapanghinayang na ang lahat ng kanilang paghihirap, ang mga hindi mabilang na sermon na pinakinggan nila, at ang mga taon na ginugol nila sa pagsunod sa Diyos, ay pawang nawalan ng kabuluhan! Madali para sa mga tao na kumilos nang mali, at talagang mahirap lumakad sa tamang landas, at piliin ang landas ni Pedro. Karamihan sa mga tao ay may malabong pag-iisip. Hindi nila makita nang malinaw kung anong landas ang tama at ano ang paglihis doon. Gaano man karaming sermon ang naririnig nila, at gaano man karaming salita ng Diyos ang nababasa nila, kahit alam nila sa puso nila na dumating na ang nagkatawang-taong Anak ng tao, hindi pa rin sila ganap na naniniwala sa Kanya. Alam nilang ito ang tunay na daan, ngunit hindi kayang tahakin ito. Napakahirap magligtas ng mga tao kapag hindi nila mahal ang katotohanan! Alam mo na ang salita ng Diyos ang katotohanan, ngunit hindi mo ito matanggap. Huwag na nating pag-usapan ang kalidad ng iyong pananampalataya at pag-usapan na lang natin kung bakit wala kang pagmamahal sa katotohanan, at bakit hindi mo matanggap ang katotohanan. Wala kang kakayahang tahakin ang tunay na daan, ayaw mong hangarin ang katotohanan, at hindi mo maisagawa ang mga katotohanang nauunawaan mo. Hindi ba’t ikaw ay kauri ni Satanas? Ang ganitong mga tao ay walang mga layunin o direksyon sa buhay, wala silang pagkatao, gaya ng mga hayop. Samakatuwid, nawawala sa ilang tao ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi dahil sinasadya ng Banal na Espiritu na hindi gumawa sa kanila at sinasadyang ibunyag sila, kundi dahil hindi Niya magawang gumawa sa kanila. Labis na tiwali ang kalooban ng mga tao at napakahirap nilang pamahalaan. Kung hindi nila hahangarin ang katotohanan o pipiliin ang tamang landas, kung gayon ay paano gagawa sa kanila ang Banal na Espiritu? Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu, palagi Niyang binibigyan ang mga tao ng pagkakataong makapili, hindi Niya kailanman pinupuwersa ang sinuman. Ngunit masyadong magulo ang pag-iisip ng mga tao. Hindi nila minamahal ang katotohanan o tinatanggap man lang ito, at lalong ayaw nilang maghirap upang makamit ito. Bagaman gusto nilang mapagpala, ayaw nilang magsikap o magbayad ng halaga. Masyado silang makasarili. Ang iniisip lang nila ay ang kanilang mga agarang interes; hinahangad at pinagsisikapan nila ang mga bagay na nasa kanilang paningin na maaari nilang makita at matamasa, at hindi nila pinapansin ang hindi nila nakikita, o hindi nila nakikitaan ng kabuluhan. Ito ang kalagayan ng karamihan sa mga tao, at halos wala nang puwang para sa gawain ng Banal na Espiritu. May mga nagsasabi, “Marami akong mga problemang hindi ko malutas. Kung may sinumang makikipagbahaginan sa akin at tutulong sa aking unawain ang katotohanan, hindi na ako magkakaroon ng mga problema.” Ngunit talaga bang malulutas nila ang kanilang mga problema sa pamamagitan lang ng pag-unawa sa katotohanan? Maisasagawa ba nila ang katotohanan? Walang nakakaalam sa lahat ng ito. Maraming tao ang nakarinig na ng maraming sermon at nakaunawa ng maraming katotohanan, ngunit hindi nila maisagawa ang alinman sa mga katotohanang iyon. Kung tatanungin mo sila tungkol sa mga problema nila, sasabihin nila, “Nauunawaan ko ang lahat ng katotohanan, ngunit hindi ko lang ito maisagawa. Paano ko malulutas ang problemang ito?” Ano ang silbi ng pananalig sa Diyos kung hindi mo maisasagawa ang alinman sa mga katotohanan? Magmadali ka nang umuwi at ipagpatuloy ang iyong buhay. Ano pa ang silbi ng pakikipagbahaginan sa iyo tungkol sa katotohanan? Hindi ka karapat-dapat na makarinig sa katotohanan, at hindi karapat-dapat na manampalataya sa Diyos, kaya dapat ay hintayin mo na lang ang pagkawasak mo! Dahil pinili mo ang pangit, napakasama, at mala-demonyong landas, gaano man karaming katotohanan ang ibahagi sa iyo, hindi mo ito tatanggapin. Kaya, dapat kang tumabi! Wala nang kailangang sabihin pa sa gayong mga tao. Maraming nagsabi noon, “Nauunawaan ko ang lahat ng katotohanan, ngunit hindi ko lang ito maisagawa.” Ang pahayag lang na ito ay sapat nang patunay na siya ay isang diyablo at ganap na isa sa mga kauri ni Satanas. Kung hindi mahal ng isang tao ang katotohanan, kung gayon ay tiyak na buktot siya. Ang kalikasan ng isang tao ay ganap na kumakatawan sa kung ano ang minamahal niya, ano ang inaasahan niya, ano ang hinahangad niya, at ano ang minimithi niya. Kung hindi mo mahal ang katotohanan, kung gayon, ikaw ay sa diyablo at ikaw ay mamamatay. Ngunit kung mahal mo ang katotohanan, kung gayon, ikaw ay itinadhana at pinili ng Diyos. Hindi ba ito halata? Ang landas na pinipili mo ang pinakamahalaga sa lahat. Maaari kang huminahon at seryoso itong pag-isipan; kung ikaw ay naligaw, hindi pa huli ang lahat upang bumalik. Kung handa kang isakatuparan ang katotohanan, isa itong mabuting bagay. Dagdag pa, kailangan mo ng landas sa kung paano mo makakamit ang kalooban mong ito at matutupad ang iyong kahilingan. Una, dapat mong unawain ang katotohanan, alamin ang destinasyon ng tao sa hinaharap, ang landas na dapat tahakin ng sangkatauhan at ang mga layunin na dapat nilang tuparin. Noon, malimit sabihin na, “Lahat ng bagay at pangyayari ay nasa mga kamay ng Diyos.” Ito ay isang bagay na dapat mong lubusang maranasan. Sa lahat ng bagay, dapat mong isaalang-alang kung ang bagay na iyon ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung talagang malinaw sa iyo na ang lahat ng bagay at pangyayari ay nasa mga kamay ng Diyos, kung gayon ay talagang may pananampalataya ka. Kung nananalig ka sa Diyos, dapat ka bang magpasakop sa Kanya? Ano ang kabuluhan ng pananalig sa Diyos? Ang layon ba ng pananalig sa Diyos ay ang tumanggap lang ng Kanyang mga pagpapala? Ngayon ay sumusunod ka kay Cristo sa iyong pananampalataya sa Diyos, ngunit magagawa mo bang manatili sa daan hanggang sa pinakadulo? Paano ka dapat magpatuloy kapag nakaranas ka ng mga lubak at pagdurusa sa iyong landas sa hinaharap? Dapat mong gamitin ang mahahalagang salita ng Diyos upang palakasin ang iyong loob, upang hindi ka matumba, maging mahina o negatibo, upang hindi magreklamo tungkol sa Diyos, hindi ka lumihis sa landas, o hindi mo ipagkanulo ang Diyos sa pamamagitan ng pagtakas sa kalagitnaan nito. Dapat mong unawain, linawin, at lubusang unawain ang lahat ng ito upang sundin ang Diyos hanggang sa pinakadulo.

May mga positibo at negatibong bagay sa landas ng pagsunod sa Diyos, maaari itong maging masaklap at maaari itong maging kasiya-siya. Kapag masaya ang mga tao, nasasabi nila, “Handa akong igugol ang aking sarili para sa Diyos, gugugol ako para sa Kanya sa buong buhay ko.” Gayunpaman, sa isang punto ay dumaranas sila ng mga hadlang at sila ay nagiging negatibo. Sa mga puso nila, iniisip nila, “Nasaan ang Diyos? Hindi ko na kayang patuloy na manampalataya, masyadong mahirap na tahakin ang landas na ito!” Pagkatapos, nananalangin sila at pakiramdam nila ay nasaway sila, iniisip na may pagkakautang sila sa Diyos. Dapat silang huminto sa pagkilos nang ganito matapos nilang malamang may pagkakautang sila sa Diyos. Gayunpaman, isang araw, marahil ay hindi umaayon sa kagustuhan nila ang mga bagay-bagay, at muli silang nagiging negatibo at nagrereklamo tungkol sa Diyos, sinasabing, “Paano nagawang pangasiwaan ng Diyos ang sitwasyong ito para sa akin? Bakit palagi Niya akong pinapahirapan? Hindi ba maaaring huwag Niya akong pahirapan?” Palaging nagrereklamo ang mga tao, at pagkatapos palagi nilang sinasabing may pagkakautang sila sa Diyos. Gayunpaman, hindi sila nagbabago kailanman; kapag dumaranas sila ng kaunting dagok o kung hindi umaayon sa gusto nila ang pinakamaliit na bagay, nagagalit sila at nagrereklamo. Sa pinakamalalalang kaso, may ilang tao pa nga ang nagpapahayag ng panghuhusga at kalapastanganan. Kalaunan, napagtatanto nilang mali ang sinabi nila, at nakokonsensya sila dahil dito, kaya nagmamadali silang magsagawa nang kaunting tungkulin nila at gumawa ng kaunting mabuting gawa upang tubusin ang kanilang sarili. Ano ang sinasabi sa atin ng mga pagpapamalas na ito? Na likas na sa tao ang ayawan ang katotohanan, o tutulan pa nga ang katotohanan. Ang tao ay sadyang buktot, pangit, at walang sentido kumon at katwiran. Naniniwala ang mga tao sa Diyos na para bang sila ay nakikipagtransaksyon; nananalangin lang sila sa Diyos kapag kailangan nila Siya, at lumalayo sila sa Kanya kapag hindi. Wala sa mga puso nila ang Diyos, at kumikilos sila ayon sa gusto nila. Ang lahat ng tao ay napakayabang at walang kontrol; wala silang pusong may-takot-sa-Diyos o tunay na napopoot sa mga negatibong bagay. Wala silang tunay na pagmamahal sa katotohanan at hindi nila mapag-iba ang hustisya sa kawalang-hustisya. Wala silang mga limitasyon, walang mga layunin, at lalong wala silang mga prinsipyo at pagtitimpi sa lahat ng kanilang ginagawa. Labis na kasuklam-suklam ang kanilang mga puso, at sa kabila ng kontekstong ito, umaasa pa rin sila sa kung gaano kalaki ang pangako, at kung gaano karaming pagpapala ang matatanggap at makakamit nila sa hinaharap, o kung paano nila maipamumukod-tangi ang sarili nila kalaunan, at ang mga bagay na magagawa nilang matamasa. Kapag iniisip nila ang mga ganitong bagay ay saka lang nila nararamdaman sa puso nila, “Lubhang kaibig-ibig ang Diyos! Dapat kong suklian ang pagmamahal ng Diyos!” Bakit nila sinasabing kaibig-ibig ang Diyos? Saan nagmumula ang pagnanais nilang suklian ang Diyos? Hindi ba’t may intensyon sa likod ng mga pahayag na ito? Nagsasalita lang sila tungkol sa isang emosyonal na bagay dahil sa panandaliang kagustuhan, at isang pansamantalang bugso ng kagalakan—ito ba ay totoong pang-unawa? Ito ba ay totoong pagmamahal? Nagmumula ba ito sa kaibuturan ng kanilang puso? Kung talagang nagtataglay ka ng ganoong pang-unawa, bakit may mga reklamo ka pa rin? Kung talagang ramdam mong may pagkakautang ka sa Diyos, bakit nagmamaktol ka pa rin? Pakiramdam mo ay hindi mabuti ang Diyos sa iyo, kaya isinasawalang-bahala mo Siya. Kung hindi ka ginagamit ng Diyos, ayaw mong gawin ang iyong tungkulin. Marahil ay napakaraming sama ng loob ang iyong kinikimkim! Sa kabila nito, naniniwala ka pa rin na mas mahal mo ang Diyos kaysa sa iba. Paano ito naging realidad ng pagmamahal sa Diyos? Ang katunayang ang isang tao ay nakakapaglabas ng gayong mga reklamo ay nagpapatunay na wala pa rin silang pang-unawa sa kanilang sariling likas na pagkatao. Hindi pa rin nila alam kung ano sila, kung saan sila nabibilang, at kung ano ang tunay nilang halaga. Sa katunayan, nasa kalikasan ng bawat tao ang labanan ang Diyos at ipagkanulo Siya. Ito ay isang bagay na totoo sa lahat ng tao at taglay ng lahat ng tao. Walang tunay na nagmamahal sa katotohanan at sa mga positibong bagay, gaya ng walang tunay na napopoot kay Satanas at sa mga buktot. Walang mga prinsipyo o hangganan sa pagmamahal at pagkamuhi ng tao, at lalong hindi nababatay sa katotohanan ang pagmamahal at pagkamuhi ng tao. Sa puso ng tao, walang pagkakaiba sa pagitan ng hustisya at kawalang-hustisya, sa pagitan ng itim at puti, lalong walang anumang pagkakaiba sa pagitan ng mga katotohanan at doktrina o mga maling pananampalataya. Hindi makita ng mga tao ang mga pagkakaibang ito. Hindi malinaw sa kanila kung ano ang karapat-dapat na minamahal at hinahangad, ano ang dapat kamuhian, at ano ang dapat tanggihan, at malayo sila sa pagtataglay ng anumang uri ng pagkilatis. May ilang taong gumagawa ng kanilang mga tungkulin, at kapag naririnig nila ang awitin ng walang pananampalataya, “Umuwi Nang Mas Madalas,” nangungulila sila sa kanilang tahanan at nawawalan ng ganang gumawa ng kanilang mga tungkulin. Anong uri ng tao ito? Mayroon ba silang ni katiting na katotohanang realidad? May ilang taong naniniwalang kaya nilang gumawa ng kaunting gawain, at na mayroon silang ilang kwalipikasyon. Maaaring para sa kanila, sila ay nagtataglay ng katotohanan, pero sa realidad, wala silang tinataglay, at wala silang halaga. Bagaman kaya mong mangaral ngayon ng kaunting doktrina sa iba, isang araw maaaring kailanganing palakasin ng iba ang iyong loob, at ang iyong pagbagsak ay magiging mas kalunus-lunos pa kaysa sa sinumang tao, at magiging mas higit kang negatibo kaysa kanino man. Naniniwala ka ba sa gayong bagay? Kumbinsido ba kayo rito? Marahil ay hindi pa ninyo nararanasan ang isang matinding pagbagsak o hindi pa kayo naging lubos na negatibo. Nararamdaman mong medyo malakas ka, at dahil hindi mo pa nararanasan ang gayong mga bagay ay naniniwala kang talagang nagtataglay ka ng tayog. Marahil isang araw kapag ikaw ay nailantad, dadaloy ang luha sa iyong mukha habang sumisigaw ka ng, “Wala na. Katapusan ko na!” Dito ka na magsisimulang gumawa ng iba’t ibang sukdulang bagay. Maraming tao ang puno ng sigla noong una silang manampalataya sa Diyos, ngunit kapag mangyari na sa kanila ang mga bagay, maaaring bigla silang mawalan ng gana, at hindi na nila magawang makabangong muli. May napapansin ba kayong anumang problema sa mga taong ganito? Walang taong may kontrol sa kanilang sariling kahinaan at lakas; ang mga tiwaling bagay na natatago sa loob ng mga tao ay maaaring mabunyag anumang oras at saan man. Napakaraming pakikipagtranskasyon at dumi sa loob ng tao, walang tigil na umuusbong sa tao ang gayong mga bagay. Samakatuwid, ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas, na tumpak na tumpak. Ito ay ibang-iba sa diwa ng Diyos. Noon, sabi ng Diyos: “Maaari Kong mahalin ang tao nang walang hanggan, at maaari Ko rin siyang kamuhian nang walang hanggan.” Ibig sabihin, may isang pamantayan ang Diyos na pinangsusukat Niya sa mga tao. Mayroon Siyang mga hatol, at mayroon Siyang mga prinsipyo para sa mga batayan Niya ng paghatol sa mga bagay-bagay. May sarili Siyang mga pamantayan at prinsipyo para sa kung ano ang mga minamahal at kinamumuhian Niya, sino ang Kanyang kinasusuklaman, at sino ang Kanyang pinagpapala. Walang katotohanan at mga prinsipyo ang mga tao, kaya may tendensiya silang gawin kung ano ang gusto nila. Pabigla-bigla sila at hindi nila matahak ang tamang landas nang wala ang patnubay ng Diyos.

Palaging iniisip ng ilang tao, “Kailan lilisanin ng Diyos ang mundo? Kailan matatapos ang gawain ng Diyos? Hindi na ako ganoon kabata; paano ako mamumuhay kapag matanda na ako?” May pananampalataya ba ang gayong tao? Ano ang gagawin nila kung talagang walang susuporta sa kanila kapag matanda na sila? Hindi ba’t sisisihin nila ang Diyos? Maraming nananampalataya sa Diyos ang walang ideya sa kung ano ang dapat nilang matamo sa pagsunod sa Kanya, o kung anong mga bagay ang pinakamahalaga. Kaunting-kaunti lang ang mga taong tunay na nalilinawan sa mga bagay na ito. Kung wala ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, matagal na sanang nalipol ang mga tao ng Tsina. Maaaring hindi ito paniwalaan ng ilang tao, pero ito ay dahil sa hindi nila nakikita nang malinaw ang sitwasyon, pero ang totoo, ito ang tunay na nangyayari. Naniniwala rin ang mga tao na: “Makakasulong pa rin tayo nang wala ang pamumuno ng Diyos; sapat nang mayroon tayong salita ng Diyos upang gumabay sa atin. Nabasa na nating lahat ang aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, mayroon na tayong pahapyaw na ideya sa ating mga puso at nauunawaan natin ang mga prinsipyo. Ngayon, maaari na tayong mamahala.” Ngunit talaga bang kaya mong mamahala? Hindi mo masusundan ang tamang landas—habang tinatahak mo ito, maliligaw ka, kaya makakapasok ka ba sa realidad? Kahit ngayon, hindi ka pa rin kumbinsido. Masasabi na sinumang tao na walang pamumuno ng Diyos ay maliligaw. Ang Banal na Espiritu ay tuluy-tuloy na gumawa sa ilang tao sa Kapanahunan ng Biyaya, ngunit bakit karamihan sa kanila ay nagpumilit na gawin ang sarili nilang nais? Mahirap bilangin kung ilan talaga ang denominasyon sa mundo ng relihiyon; maaaring wala kang kaideya-ideya sa maraming denominasyon, o hindi mo alam ang pangalan ng mga ito—ano ang problema rito? Ang problema ay masyadong komplikado ang mga tao, at hindi madali para sa kanila ang malinaw na makita ang mga bagay sa loob ng kanilang likas na pagkatao. Ngayong araw, maraming salita ang binigkas ng Diyos na naglalantad sa tunay na kalikasan ng tao, at hinihingi Niya sa mga tao na malinaw na makita ang mga bagay na nasa kanilang kalikasan, at malinaw na makita ang kanilang diwa. Ito lang ang paraan upang matuto silang kumilatis ng iba at maiwasan nila ang malihis ng mga ito, o ang sumamba, humanga, o sumunod sa mga ito. Kung ang isang tao ay walang pag-unawa ng katotohanan, kung gayon ay hindi niya makikita kung sino talaga ang mga tao, at malamang na malihis at mahadlangan siya ng mga ito. Samakatuwid, dapat maunawaan ng mga nananampalataya sa Diyos ang katotohanan, dapat mas magbasa pa sila ng mga salita ng Diyos, at makilala ang likas na katangian ng tao at malinaw na makita ang diwa ng tao sa pamamagitan ng mga paglalantad ng Diyos. Ibinubunyag ng paglalantad ng salita ng Diyos ang kalikasan ng tao, itinuturo nito sa mga tao kung ano ang kanilang diwa, at hinahayaan silang malinaw na makita ang diwa ng kanilang katiwalian. Napakahalaga nito. Isang magulong bagay si Satanas, at mahirap bigyang kahulugan ang mga mala-diyablong salita nito. Tinanong ito ng Diyos, “Saan ka nanggaling?” Na sinagot ni Satanas, “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon” (Job 1:7). Isipin mong mabuti ang sagot nito. Parating ba ito o paalis? Mahirap maunawaan ang kahulugan nito, kaya sinasabi Kong magulo ang mga salitang ito. Batay sa mga salitang ito, makikitang magulo si Satanas. Kapag ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, sila rin ay nagiging magulo. Wala silang kontrol, walang mga pamantayan, at walang mga prinsipyo sa anumang ginagawa nila. Samakatuwid, madaling maligaw ang sinumang tao. Inakit ni Satanas si Eba sa pagsasabing, “Bakit hindi mo kainin ang bunga ng punong iyon?” Na sinagot ni Eba, “Sinabi sa amin ng Diyos na mamamatay kami kapag kumain kami mula sa punong iyon.” Pagkatapos sinabi ni Satanas, “Hindi naman tiyak na mamamatay kayo kung kakainin niyo ang bunga ng punong iyon.” Sa mga salitang ito, may intensyon na tuksuhin si Eba. Sa halip na sabihin nang may katiyakan na hindi siya mamamatay kapag kinain niya ang bunga mula sa punong iyon, sinabi lang nito na hindi tiyak na siya ay mamamatay, dahilan upang isipin niyang, “Kung hindi tiyak na mamamatay ako, maaari ko itong kainin!” Dahil hindi niya nalabanan ang tukso, kinain niya ang bunga. Sa ganitong paraan, nakamit ni Satanas ang mithiin niya na akitin si Eba na magkasala. Hindi nito pinanagutan ang pangyayaring ito, dahil hindi nito pinilit si Eba na kainin ang bunga. Sa loob ng bawat tao, may satanikong disposisyon; tinataglay ng bawat puso nila ang napakaraming lason na ginagamit ni Satanas para tuksuhin ang Diyos at akitin ang tao. Minsan, ang pagsasalita nila ay nahahaluan ng tinig at tono ni Satanas, at ng isang intensyon na manukso at mang-akit. Ang mga ideya at pag-iisip ng tao ay puno ng mga lason ni Satanas at naglalabas ang mga ito ng masamang amoy ni Satanas. Minsan, dala ng mga itsura o kilos ng mga tao ang parehong masamang amoy ng panunukso at pang-aakit. Sinasabi ng ilang tao, “Kung susunod lang ako nang ganito, garantisadong may makakamit ako. Magagawa kong sundin ang Diyos hanggang sa pinakahuli, kahit hindi ko hanapin ang katotohanan. Tinatalikdan ko ang mga bagay at tapat na ginugugol ang aking sarili para sa Diyos. Mayroon akong lakas na magtiyaga hanggang sa pinakahuli. Kahit lumabag ako nang kaunti, kaaawaan ako ng Diyos at hindi Niya ako tatalikdan.” Ni hindi nila alam kung ano ang sinasabi nila. Napakaraming tiwaling bagay sa loob ng mga tao—kung hindi nila hinahangad ang katotohanan, paano nila magagawang magbago? Batay sa antas ng kanilang katiwalian, kung hindi pinoprotektahan ng Diyos ang mga tao, maaari silang bumagsak at ipagkanulo nila ang Diyos anumang sandali. Naniniwala ka ba rito? Kahit pilitin mo ang iyong sarili, hindi mo magagawang umabot sa dulo, dahil ang huling bahaging ito ng gawain ng Diyos ay upang lumikha ng isang grupo ng mga mananagumpay. Ang paggawa ba nito ay talagang kasing-dali ng iniisip mo? Ang panghuling pagbabagong ito ay hindi nangangailangan na magbago ang isang tao nang 100 porsyento o kahit 80 porsyento, kundi kahit 30 o 40 porsyento man lamang. Kahit papaano, dapat mong hukayin, alisin, at baguhin ang mga bagay sa loob mo na lumalaban sa Diyos, na nag-ugat nang malalim sa kaibuturan ng iyong puso. Saka mo lang makakamit ang kaligtasan. Tanging kapag nagbago ka nang 30% hanggang 40% gaya ng hinihingi ng Diyos, o mas mabuti kung hanggang 60% o 70%, saka lang maipapakita na nakamit mo na ang katotohanan, at ikaw ay totoong kaayon ng Diyos. Hindi ka magkakaroon ng tendensiya na lumaban sa Diyos o labagin ang Kanyang disposisyon sa susunod na mangyari sa iyo ang isang bagay. Sa ganitong paraan ka lamang mapeperpekto at magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos.

Napakasimple ng pagtingin ng ilang tao sa usapin ng pananampalataya sa Diyos. Iniisip nila, “Ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng pagdalo sa mga pagtitipon, pananalangin, pakikinig sa mga sermon, pakikipagbahaginan, pag-awit at pagpupuri sa Diyos, at pagganap sa ilang tungkulin. Hindi ba’t iyon ang pinaka-esensya ng pananampalataya sa Diyos?” Ngayon, gaano man karaming taon na kayong nananampalataya sa Diyos, hindi pa rin ninyo lubusang nauunawaan ang kahalagahan ng pananalig sa Diyos. Sa katunayan, ang kahulugan ng pananalig sa Diyos ay napakalalim, kaya kung napakababaw ng mga karanasan ng isang tao, hindi nila ito maiintindihan. Kapag dumaranas sila hanggang sa pinakadulo, dapat ay maalis at mabago ang disposisyon ni Satanas at ang mga satanikong lason sa loob nila. Dapat sangkapan ng mga tao ang mga sarili nila ng maraming katotohanan, abutin ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao, at magawang tunay na magpasakop sa Diyos at sambahin Siya. Saka lang sila tunay na magkakamit ng kaligtasan. Kung ikaw ay gaya pa rin ng dati noong bahagi ka pa ng isang relihiyon, bumibigkas lang ng ilang salita at doktrina at umaawit ng ilang sawikain, gumagawa ng kaunting mabuting gawi at kilos, at umiiwas sa partikular na makasalanang mga bagay—kahit yung mga halata man lang—hindi nito ipinapakita na napasok mo na ang tamang landas sa iyong pananampalataya sa Diyos. Ang pagsunod ba sa mga regulasyon ay nangangahulugan na ikaw ay nasa tamang landas? Nangangahulugan ba ito na tama ang napili mo? Kung hindi nagbabago ang mga bagay sa loob ng iyong likas na pagkatao, kung gayon ay malalabanan mo pa rin ang Diyos at magkasala sa Kanya sa huli. Ito ang pinakamalaking problema. Kung hindi mo lulutasin ang problemang ito sa iyong pananampalataya sa Diyos, masasabi bang talagang nakamit mo na ang kaligtasan? Ano ba mismo ang ibig Kong sabihin dito? Gusto Kong maunawaan ninyo sa puso niyo na ang pananalig sa Diyos ay hindi maihihiwalay sa Kanyang salita, at hindi ito maihihiwalay sa Diyos Mismo, o sa katotohanan. Kailangan mong piliin ang tamang landas at pagsikapan ang katotohanan at ang salita ng Diyos. Hindi ka maaaring magkamit lang ng bahagya o ng pahapyaw na pang-unawa, at iyon na iyon. Makakasama lang sa iyo ang panloloko sa iyong sarili. Walang saysay na ibatay ang iyong pananampalataya sa iyong mga imahinasyon. Kung maniwala ka hanggang sa huli, at wala ang Diyos sa puso mo, kung mabilis mo lang na binubuklat ang Kanyang mga salita, at hindi iyon maalala pagkatapos, at kung walang puwang ang Diyos sa iyong puso, kung gayon ay katapusan mo na. Ano ang kahulugan ng “hindi maihihiwalay ang pananalig sa Diyos sa Kanyang salita”? Nauunawaan ba ninyo ito? Sinasalungat ba nito ang pahayag na, “ang pananalig sa Diyos ay hindi maihihiwalay sa Diyos Mismo”? Paano magkakaroon ng puwang ang Diyos sa puso mo kung wala sa iyong puso ang Kanyang mga salita? Kung naniniwala ka sa Diyos, ngunit sa puso mo ay wala Siya, ang Kanyang salita, at ang Kanyang patnubay, kung gayon ikaw ay ganap na tapos na. Kung hindi mo mapamahalaan ang kahit isang maliit na bagay ayon sa mga hinihingi ng Diyos, hindi mo maaabot ang mga hinihingi ng Diyos sa harap ng isang pangunahing usapin ng prinsipyo. Tapos, hindi ka magkakaroon ng anumang patotoo, na nakaaabala; pinatutunayan nitong hindi ka nagtataglay ng anuman at hindi ka nagkamit ng anuman sa katotohanan.

May ilang espesyal na bagay na hindi maipaliwanag nang kongkreto at detalyado. Ganap na mauunawaan lang ninyo ang mga iyon kapag binigyang-liwanag kayo ng Banal na Espiritu balang araw. Sa ngayon, maipapahayag Ko lang ang mga iyon sa kaunting salita na maaaring tila napakakaraniwan o hindi lohikal sa mga tao, at iyon na. Alam ba ninyo kung ano ang iniisip ng mga dayuhan sa mga piniling tao ng Diyos sa Tsina? Kapag nakikita nila kayong nananampalataya sa Diyos at sumusunod kay Cristo sa Tsina, dumaranas ng napakaraming pang-uusig at kapighatian, nagtatamasa ng salita ng Diyos at ng Kanyang gawain, at nagkakamit ng napakaraming bagay, kinaiinggitan nila kayo nang sobra! May hiling ang mga dayuhan—iniisip nila: “Gusto ko ring maranasan ang gawain ng Diyos. Kahit ano pa ang dapat kong pagdusahan, gusto ko ring makamit ang katotohanan! Gusto ko ring lumago sa karunungan at tayog, ngunit sa kasamaang-palad, wala ako sa tamang kapaligiran.” Ramdam nilang labis na pinagpala ang mga Tsino, ngunit sa kabila nito, iniisip pa rin ninyo na sila ang pinagpala, at kinaiinggitan ninyo sila. Talagang binabalewala ninyo ang inyong magandang kapalaran. Kinukumpleto ng Diyos ang grupo ng mga taong ito sa bansa ng malaking pulang dragon, at tinutulutan silang tiisin ang paghihirap na ito. Masasabing ito ang pinakadakilang pagtataas ng Diyos! Noon, sabi ng Diyos: “Matagal Ko nang dinala ang Aking kaluwalhatian mula sa Israel patungong Silangan.” Ngayon, nauunawaan na ba ninyo ang kahulugan ng pahayag na ito? Paano dapat ninyo tahakin ang inyong landas sa hinaharap? Paano dapat ninyo hangarin ang katotohanan? Paano ninyo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu nang hindi hinahangad ang katotohanan? Kung tumigil ang Banal na Espiritu sa paggawa sa inyo, kayo ay nasa napakamapanganib na posisyon. Ano ang halaga ng kaunting paghihirap na dinaranas ninyo ngayon? Alam ba ninyo kung ano ang magagawa nito para sa inyo? Posible ba para sa inyo na mahanap ang katotohanan nang hindi nagdurusa? Makakamit ba ninyo ang katotohanan sa ganitong paraan? Makapagbibigay ba kayo ng tunay na patotoo? Kung nauunawaan ninyo ang gayong mga bagay, hindi ninyo mararamdaman na nagdurusa kayo. Kahit madagdagan ang inyong pagdurusa, magiging parang wala lang ito.

Taglagas, 1999

Sinundan: Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon

Sumunod: Alam Mo Ba ang Pagmamahal ng Diyos sa Sangkatauhan?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito