350 Hindi Maaaring Kumatawan sa Diyos ang Tiwaling Tao
1 Ang lahat ng kilos at gawa ni Satanas ay nakikita sa tao. Ngayon, ang lahat ng kilos at gawa ng tao ay pagpapahayag ni Satanas at samakatuwid ay hindi kayang kumatawan sa Diyos. Ang tao ang pagsasakatawan ni Satanas, at ang disposisyon ng tao ay hindi kayang kumatawan sa disposisyon ng Diyos. Ang ilang tao ay may mabuting karakter; ang Diyos ay maaaring gumawa ng ilang gawain sa pamamagitan ng karakter ng mga naturang tao at ang gawain na kanilang ginagawa ay ginagabayan ng Banal na Espiritu. Nguni’t ang kanilang disposisyon ay hindi kayang kumatawan sa Diyos. Ang gawain na ginagawa ng Diyos sa kanila ay paggawa lamang at pagpapalawak ng kung ano na ang umiiral sa loob. Mga propeta man mula sa mga nakaraang kapanahunan o mga taong ginagamit ng Diyos, walang sinuman ang kayang direktang kumatawan sa Kanya.
2 Ang lahat ng direktang nanggagaling sa Diyos ay positibo. Gayunman, ang disposisyon ng tao ay naproseso na ni Satanas at hindi kayang kumatawan sa Diyos. Tanging ang pag-ibig, ang kahandaan na magdusa, ang katuwiran, pagpapasakop, at pagpapakumbaba at pagkatago ng nagkatawang-taong Diyos ang direktang kumakatawan sa Diyos. Ito ay dahil noong Siya ay pumarito, Siya ay dumating nang walang makasalanang kalikasan at direktang dumating mula sa Diyos, nang hindi naproseso ni Satanas. Si Jesus ay kawangis lamang ng makasalanang laman at hindi kumakatawan sa kasalanan; samakatuwid, ang Kanyang mga kilos, gawa, at salita, hanggang sa panahon bago ang Kanyang pagtupad ng gawain sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus, ay lahat direktang kumakatawan sa Diyos.
3 Ang halimbawa ni Jesus ay sapat na upang patunayan na ang sinumang tao na may makasalanang kalikasan ay hindi kayang kumatawan sa Diyos, at na ang kasalanan ng tao ay kumakatawan kay Satanas. Ang ibig sabihin nito, ang kasalanan ay hindi kumakatawan sa Diyos at ang Diyos ay walang kasalanan. Kahit ang gawaing ginawa ng Banal na Espiritu sa tao ay maituturing lamang na nagabayan ng Banal na Espiritu at hindi masasabi na ginawa ng tao sa ngalan ng Diyos. Nguni’t para sa tao, ang kanyang kasalanan man o ang kanyang disposisyon ay hindi kumakatawan sa Diyos.
Hango sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tiwaling Tao ay Walang Kakayahang Kumatawan sa Diyos