XII. Mga Salita tungkol sa Konstitusyon, mga Atas-Administratibo at mga Kautusan ng Kapanahunan ng Kaharian
595. Ang nakaplano Kong gawain ay patuloy na sumusulong nang walang-tigil kahit isang saglit. Dahil nakalipat na sa Kapanahunan ng Kaharian, at nadala Ko na kayo sa Aking kaharian bilang Aking mga tao, may iba pa Akong mga hihilingin sa inyo; ibig sabihin, sisimulan Kong ipahayag sa inyong harapan ang konstitusyong gagamitin Ko sa pamumuno sa kapanahunang ito:
Yamang tinatawag kayo na Aking mga tao, dapat ninyong makayang luwalhatiin ang Aking pangalan; ibig sabihin, magpatotoo sa gitna ng pagsubok. Kung tangkain ng sinuman na utuin Ako at itago ang totoo sa Akin, o sumali sa nakahihiyang mga gawain habang nakatalikod Ako, palalayasin ang gayong mga tao, lahat sila, at aalisin mula sa Aking bahay upang maghintay na harapin Ko sila. Yaong mga naging taksil at masuwayin sa Akin noong araw, at ngayon ay muling nagbabangon upang hatulan Ako nang lantaran—sila man ay palalayasin sa Aking bahay. Yaong Aking mga tao ay kailangang palaging magpakita ng konsiderasyon sa Aking mga pasanin at hangarin ding maunawaan ang Aking mga salita. Ang mga tao lamang na katulad nito ang Aking liliwanagan, at siguradong mabubuhay sila sa ilalim ng Aking patnubay at kaliwanagan, nang hindi kailanman humaharap sa pagkastigo. Yaong mga tao, na bigong magpakita ng konsiderasyon sa Aking mga pasanin, na nagtutuon sa pagpaplano para sa sarili nilang hinaharap—ibig sabihin, yaong mga walang layuning kumilos upang palugurin ang puso Ko, kundi sa halip ay naghahanap ng mga bigay-bigay—ang mga tila-pulubing nilalang na ito ang ayaw Ko talagang kasangkapanin, dahil mula nang ipanganak sila, wala silang anumang alam kung ano ang kahulugan ng magpakita ng konsiderasyon sa Aking mga pasanin. Sila ay mga taong walang normal na katinuan; ang gayong mga tao ay maysakit na “malnutrisyon” sa utak, at kailangang umuwi para sa kaunting “pangangalaga.” Walang silbi sa Akin ang gayong mga tao. Sa Aking mga tao, lahat ay kailangang maobligang ituring na tungkulin nilang makilala Ako na dapat makita hanggang sa huli, tulad ng pagkain, pagbibihis, at pagtulog, isang bagay na hindi kailanman nalilimutan ng isang tao sa isang saglit, upang sa bandang huli, ang pagkilala sa Akin ay maging kasing-pamilyar ng pagkain—isang bagay na ginagawa mo nang walang kahirap-hirap, na praktisado ang kamay. Tungkol naman sa mga salitang Aking sinasambit, bawat isa nito ay kailangang tanggapin nang may sukdulang pananampalataya at lubos na maunawaan; hindi maaaring magkaroon ng mga pagkilos na walang interes at hindi lubus-lubusan. Sinumang hindi pumapansin sa Aking mga salita ay ituturing na tuwirang lumalaban sa Akin; sinumang hindi kumakain ng Aking mga salita, o hindi naghahangad na malaman ang mga iyon, ay ituturing na hindi nakikinig na mabuti sa Akin, at tuwirang palalabasin sa pintuan ng Aking bahay. Ito ay dahil, tulad ng sinabi Ko na noong araw, ang nais Ko ay hindi ang maraming tao, kundi ang kahusayan. Sa isandaang tao, kung iisa lamang ang nakakakilala sa Akin sa pamamagitan ng Aking mga salita, handa Akong itapon ang lahat ng iba pa upang liwanagan at paliwanagin ang iisang ito. Mula rito ay makikita ninyo na hindi palaging totoo na sa mas malaking bilang ng mga tao lamang Ako maaaring makita at maisabuhay. Ang nais Ko ay trigo (kahit maaaring hindi puno ang mga butil) at hindi mga mapanirang damo (kahit puno ang mga butil para hangaan). Tungkol naman sa mga walang pakialam sa paghahangad, kundi sa halip ay pabaya kung kumilos, dapat silang kusang umalis; ayaw Ko na silang makita, kung hindi ay patuloy silang magbibigay ng kahihiyan sa Aking pangalan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 5
596. Hindi Ako mabilis magparusa kaninuman, ni hindi Ko tinrato ang sinuman nang hindi makatarungan—matuwid Ako sa lahat. Talagang mahal Ko ang Aking mga anak, at talagang kinamumuhian Ko yaong masasama na sumusuway sa Akin; ito ang prinsipyo sa likod ng Aking mga kilos. Bawat isa sa inyo ay dapat magkaroon ng kabatiran sa Aking mga atas administratibo; kung hindi, hindi kayo matatakot ni katiting, at kikilos kayo nang walang-ingat sa Aking harapan. Hindi rin ninyo malalaman kung ano ang nais Kong makamit, kung ano ang nais Kong maisakatuparan, kung ano ang nais Kong matamo, o kung anong klaseng tao ang kailangan ng Aking kaharian.
Ang Aking mga atas administratibo ay:
1) Sino ka man, kung kinokontra mo Ako sa puso mo, hahatulan ka.
2) Didisiplinahin kaagad yaong mga taong Aking nahirang sa anumang maling naisip nila.
3) Ilalagay Ko sa isang tabi yaong mga hindi naniniwala sa Akin. Hahayaan Ko silang magsalita at kumilos nang walang-ingat hanggang sa kahuli-hulihan, kung kailan lubusan Ko silang parurusahan at aayusin.
4) Pangangalagaan at poprotektahan Ko yaong mga naniniwala sa Akin sa lahat ng oras. Sa lahat ng oras ay pagkakalooban Ko sila ng buhay sa pamamagitan ng pagliligtas. Mamahalin Ko ang mga taong ito at siguradong hindi sila mahuhulog o maliligaw ng landas. Anumang kahinaan nila ay magiging pansamantala, at tiyak na hindi Ko aalalahanin ang kanilang mga kahinaan.
5) Yaong mga tila naniniwala, ngunit hindi naman talaga—na naniniwala na mayroong isang Diyos ngunit hindi hinahanap ang Cristo, subalit hindi rin naman lumalaban—sila ang pinakakaawa-awang mga tao, at sa pamamagitan ng Aking mga gawa, hahayaan Kong makakita sila nang malinaw. Sa pamamagitan ng Aking mga kilos, ililigtas Ko ang gayong mga tao at ibabalik sila.
6) Ang mga panganay na anak, ang unang tumanggap sa Aking pangalan, ay pagpapalain! Tiyak na ipagkakaloob Ko ang pinakamagagandang pagpapala sa inyo, tutulutan kayong matamasa ang mga ito hangga’t gusto ninyo; walang sinumang mangangahas na hadlangan ito. Lahat ng ito ay inihahanda nang buong-buo para sa inyo, dahil ito ang Aking atas administratibo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 56
597. Akin ngayong ipinahahayag ang mga atas administratibo ng Aking kaharian: Ang lahat ng bagay ay nasa loob ng Aking paghatol, lahat ng bagay ay nasa loob ng Aking katuwiran, lahat ng bagay ay nasa loob ng Aking kamahalan, at isinasagawa Ko ang Aking katuwiran sa lahat. Yaong mga nagsasabi na sila ay naniniwala sa Akin subalit sa kaibuturan ay sinasalungat Ako, o yaong ang mga puso ay tumalikod na sa Akin ay sisipain palabas—ngunit ang lahat ay sa Aking sariling tamang panahon. Ang mga taong nagsasalita nang may panunuya tungkol sa Akin, ngunit sa paraan na hindi napapansin ng ibang tao, ay agad na mamamatay (mamamatay sila sa espiritu, katawan, at kaluluwa). Yaong mga nang-aapi o malamig ang pakikitungo sa Aking minamahal ay agad na hahatulan ng Aking poot. Ibig nitong sabihin, ang mga taong naninibugho sa Aking mga minamahal, at iniisip na Ako ay hindi matuwid, ay ipapasa upang mahatulan ng Aking minamahal. Lahat ng may mabuting-asal, simple, at tapat (kabilang yaong mga kulang sa karunungan), at nakikitungo sa Akin nang may matatag na katapatan, ay mananatiling lahat sa Aking kaharian. Yaong mga hindi dumaan sa pagsasanay—ibig sabihin, yaong mga tapat na tao na kulang sa karunungan at kaunawaan—ay magkakaroon ng kapangyarihan sa Aking kaharian. Subalit, sila ay dumaan din sa pakikitungo at pagbasag. Na sila ay hindi dumaan sa pagsasanay ay hindi ganap. Sa halip, sa pamamagitan ng mga bagay na ito na Aking ipakikita sa lahat ang Aking pagka-makapangyarihan sa lahat at ang Aking karunungan. Aking sisipain palabas yaong mga nag-aalinlangan pa rin sa Akin; hindi Ko nais ang isa man sa kanila (Aking kinamumuhian ang mga taong nag-aalinlangan pa rin sa Akin sa panahong gaya nito). Sa pamamagitan ng mga gawa na Aking ginagawa sa buong sansinukob, Aking ipakikita sa mga tapat na tao ang pagiging kamangha-mangha ng Aking mga gawa, sa gayon ay palalaguin ang kanilang karunungan, kaunawaan, at pag-arok. Sasanhiin Ko rin ang mga mapanlinlang na tao na mawasak sa isang iglap bilang resulta ng Aking kamangha-manghang mga gawa. Lahat ng panganay na anak na unang tumanggap sa Aking pangalan (ibig sabihin yaong mga banal at walang-dungis, tapat na mga tao) ang mauunang pumasok sa kaharian at mamamahala sa lahat ng bansa at lahat ng lahi na kasama Ko, mamumuno bilang mga hari sa kaharian at hahatol sa lahat ng bansa at lahat ng lahi (ito ay tumutukoy sa lahat ng panganay na anak sa kaharian, at wala nang iba). Yaong mga nasa lahat ng bansa at lahat ng lahi na nahatulan na, at nangagsisi na, ay papasok sa Aking kaharian at magiging Aking bayan, habang yaong matitigas ang ulo at hindi nangagsisi ay itatapon sa walang-hanggang kalaliman (upang mamatay magpakailanman). Ang paghatol sa loob ng kaharian ay magiging ang huling paghatol, at ang Aking lubusang paglilinis ng sanlibutan. Hindi na magkakaroon pa ng anumang kawalan ng katarungan, dalamhati, mga luha, o mga buntong-hininga, at, lalong higit pa, hindi na magkakaroon ng sanlibutan. Ang lahat ay magiging pagpapakita ni Cristo, at ang lahat ay magiging ang kaharian ni Cristo. Anong luwalhati! Anong luwalhati!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 79
598. Ngayon pinagtitibay Ko ang Aking mga atas administratibo para sa inyo (nagkabisa simula ng araw ng pagpapatibay ng mga ito, na nagtatalaga ng iba’t ibang pagkastigo sa iba’t ibang tao):
Tinutupad Ko ang Aking mga pangako, at lahat ay nasa Aking mga kamay: Sinumang nagdududa ay tiyak na papatayin. Walang lugar para sa anumang pagsasaalang-alang; kaagad silang lilipulin, sa ganito’y inaalis ang pagkamuhi mula sa Aking puso. (Pinatototohanan mula ngayon na sinumang pinaslang ay hindi dapat maging kasapi ng Aking kaharian, at dapat ay inapo ni Satanas.)
Bilang mga panganay na anak, dapat panatilihin ninyo ang inyong mga sariling katayuan at gampanang mabuti ang inyong mga tungkulin, at huwag maging mapanghimasok. Dapat ihandog ninyo ang inyong mga sarili sa Aking plano ng pamamahala, at saan man kayo pumunta ay dapat kayong mabuting magpatotoo sa Akin at luwalhatiin ang Aking pangalan. Huwag kayong gumawa ng mga kahiya-hiyang bagay; maging halimbawa kayo para sa lahat ng Aking mga anak at sa Aking bayan. Huwag kayong maging mahalay kahit isang sandali: Dapat palagi kayong nagpapakita sa lahat na may pagkakakilanlan ng mga panganay na anak, at hindi mag-asal-alipin, kundi lumalakad na taas-noo. Hinihingi Ko sa inyo na luwalhatiin ang Aking pangalan, hindi ipahiya ang pangalan Ko. Bawat isa sa mga panganay na anak ay mayroong kanyang sariling tungkulin, at hindi magagawa ang lahat ng bagay. Ito ang pananagutang ibinigay Ko na sa inyo, na hindi dapat inuurungan. Dapat italaga ninyo ang inyong mga sarili sa pagtupad sa naipagkatiwala Ko na sa inyo nang inyong buong puso, nang inyong buong isip at nang inyong buong lakas.
Mula sa araw na ito, sa buong mundo ng sansinukob, ang tungkulin ng pagpapastol sa lahat ng Aking anak at Aking buong bayan ay ipagkakatiwala sa Aking mga panganay na anak para tuparin, at sinumang hindi maipatutupad ito nang kanilang buong puso at nang kanilang buong isip ay kakastiguhin Ko. Ito ang Aking katuwiran. Hindi Ko palalagpasin o pagagaanin ang parusa maging sa Aking mga panganay na anak.
Kung mayroong sinuman sa Aking mga anak o sa bayan Ko na tumutuya at umiinsulto sa isa sa Aking mga panganay na anak, malupit Ko silang parurusahan, dahil kinakatawan Ako ng Aking mga panganay na anak; anumang ginagawa ninuman sa kanila, ginagawa rin nila sa Akin. Ito ang pinakamahigpit sa Aking mga atas administratibo. Hahayaan Ko ang Aking mga panganay na anak na maglapat ng Aking katuwiran ayon sa kanilang mga naisin laban sa sinuman sa Aking mga anak at Aking bayan na lumalabag sa atas na ito.
Unti-unting iiwan Ko ang sinumang tumuturing sa Akin na walang gaanong kabuluhan at pinagtutuunan lang ang Aking pagkain, kasuotan, at pagtulog, inaasikaso lang ang Aking mga panlabas na gawain at walang pagsasaalang-alang sa Aking pasanin, at hindi binibigyang pansin ang maayos na pagtupad sa kanilang sariling tungkulin. Para ito sa lahat na may pandinig.
Sinumang nakakatapos sa paglilingkod sa Akin ay dapat masunuring umurong na walang kuskus-balungos. Mag-ingat ka, kung hindi ay aayusin kita. (Karagdagang atas ito.)
Dadamputin ng Aking mga panganay na anak ang tungkod na bakal simula ngayon at sisimulang ipatupad ang Aking awtoridad na mamahala sa lahat ng bansa at bayan, lumakad sa gitna ng lahat ng bansa at bayan, at isagawa ang Aking paghatol, katuwiran, at kamahalan sa gitna ng lahat ng bansa at bayan. Ang Aking mga anak at Aking bayan ay katatakutan Ako, pupurihin Ako, ipagbubunyi Ako, at luluwalhatiin Ako nang walang patid, dahil natutupad ang Aking plano ng pamamahala at makapaghaharing kasama Ko ang Aking mga panganay na anak.
Bahagi ito ng Aking mga atas administratibo; pagkatapos nito, sasabihin Ko sa inyo ang mga ito habang sumusulong ang gawain. Mula sa mga atas administratibo sa itaas, makikita ninyo ang bilis kung paano Ko ginagawa ang Aking gawain, gayun din kung anong hakbang na ang naabot ng Aking gawain. Magiging patunay ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 88
599. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian
(Isang Piniling Kabanata ng Salita ng Diyos)
1) Hindi dapat ipagmalaki ng tao ang kanyang sarili, ni itaas ang kanyang sarili. Dapat niyang sambahin at dakilain ang Diyos.
2) Gawin mo ang lahat ng bagay na kapaki-pakinabang sa gawain ng Diyos at hindi ang anumang nakasasama sa kapakanan ng gawain ng Diyos. Ipagtanggol mo ang pangalan ng Diyos, ang patotoo ng Diyos, at ang gawain ng Diyos.
3) Ang pera, materyal na mga bagay, at lahat ng ari-arian sa sambahayan ng Diyos ang mga handog na dapat ibigay ng tao. Walang sinumang maaaring magtamasa ng mga handog na ito kundi ang pari at ang Diyos, sapagkat ang mga handog ng tao ay para sa kaluguran ng Diyos. Ibinabahagi lamang ng Diyos ang mga handog na ito sa pari, at wala nang iba pang kwalipikado o nararapat na magtamasa ng anumang bahagi ng mga iyon. Lahat ng handog ng tao (pati na ang pera at mga materyal na bagay na maaaring matamasa) ay ibinibigay sa Diyos, hindi sa tao. Kaya nga, ang mga bagay na ito ay hindi dapat tamasahin ng tao; kung tatamasahin ng tao ang mga ito, magnanakaw siya ng mga handog. Sinumang gumagawa nito ay isang Judas, sapagkat, bukod pa sa pagiging traydor, kinuha rin ni Judas ang nakalagay sa supot ng pera.
4) Ang tao ay may tiwaling disposisyon at, bukod pa rito, siya ay nagtataglay ng damdamin. Dahil dito, talagang ipinagbabawal sa dalawang kasaping magkaiba ang kasarian na magsama sa gawain nang walang kasama habang naglilingkod sa Diyos. Sinumang matuklasan na gumagawa nito ay ititiwalag, nang walang pagtatangi.
5) Huwag mong husgahan ang Diyos, ni basta-bastang talakayin ang mga bagay na may kaugnayan sa Diyos. Gawin mo ang nararapat gawin ng tao, at magsalita kung paano dapat magsalita ang tao, at huwag kang lumampas sa iyong mga limitasyon ni lumabag sa iyong mga hangganan. Bantayan mo ang iyong sariling pananalita at mag-ingat kung saan ka tumatapak, upang maiwasan mo ang paggawa ng anumang bagay na lalabag sa disposisyon ng Diyos.
6) Gawin mo iyong nararapat gawin ng tao, at isakatuparan ang iyong mga obligasyon, at tuparin ang iyong mga responsibilidad, at manangan sa iyong tungkulin. Yamang nananalig ka sa Diyos, dapat kang gumawa ng iyong kontribusyon sa gawain ng Diyos; kung hindi, hindi ka karapat-dapat na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at hindi ka karapat-dapat na manirahan sa sambahayan ng Diyos.
7) Sa gawain at mga usapin ng iglesia, bukod pa sa pagsunod sa Diyos, dapat mong sundin ang mga tagubilin ng tao na ginagamit ng Banal na Espiritu sa lahat ng bagay. Kahit ang pinakamaliit na pagsuway ay hindi katanggap-tanggap. Kailangan mong maging ganap sa iyong pagsunod, at huwag mong suriin ang tama o mali; anuman ang tama o mali ay walang kinalaman sa iyo. Ganap na pagsunod lamang ang iyong dapat alalahanin.
8) Ang mga taong nananalig sa Diyos ay dapat sumunod sa Diyos at sumamba sa Kanya. Huwag mong dakilain o tingalain ang sinumang tao; huwag mong unahin ang Diyos, ipangalawa ang mga tao na iyong tinitingala, at ipangatlo ang iyong sarili. Walang sinumang dapat magkaroon ng lugar sa iyong puso, at hindi mo dapat isaalang-alang ang mga tao—lalo na ang iyong mga iginagalang—na kapareho ng Diyos, na Kanyang kapantay. Hindi ito katanggap-tanggap para sa Diyos.
9) Panatilihin mong nasa gawain ng iglesia ang iyong pag-iisip. Isantabi mo ang mga inaasam ng iyong sariling laman, maging desidido ka tungkol sa mga usaping pampamilya, buong-puso mong ialay ang iyong sarili sa gawain ng Diyos, at unahin mo ang gawain ng Diyos at ipangalawa ang iyong sariling buhay. Ito ang kagandahang-asal ng isang banal.
10) Ang kaanak na iba ang pananampalataya (ang iyong mga anak, ang iyong asawa, iyong mga kapatid o magulang, at iba pa) ay hindi dapat piliting sumapi sa iglesia. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi kulang sa mga kasapi, at hindi kailangang pataasin ang bilang nito ng mga taong walang silbi. Hindi na dapat akayin sa iglesia ang lahat ng hindi malugod na nananalig. Ang kautusang ito ay para sa lahat ng tao. Dapat ninyong siyasatin, subaybayan at paalalahanan ang isa’t isa sa bagay na ito, at walang sinumang maaaring lumabag dito. Kahit atubiling pumapasok nga sa iglesia ang kaanak na iba ang pananampalataya, huwag silang bigyan ng mga aklat o ng bagong pangalan; ang gayong mga tao ay hindi bahagi ng sambahayan ng Diyos, at kailangang patigilin ang pagpasok nila sa iglesia sa anumang paraang kinakailangan. Kung may gulong nadala sa iglesia dahil sa paglusob ng mga demonyo, ikaw mismo ay ititiwalag o paghihigpitan. Sa madaling salita, lahat ay may responsibilidad sa bagay na ito, ngunit hindi ka rin dapat magpadalus-dalos, ni gumamit nito para lutasin ang mga personal mong atraso.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos
600. Kailangang maging tapat ang mga tao sa maraming tungkuling dapat nilang gampanan. Ito ang dapat sundin ng mga tao, at ito ang kailangan nilang isakatuparan. Hayaang gawin ng Banal na Espiritu ang kailangang gawin ng Banal na Espiritu; hindi maaaring makialam ang tao rito. Dapat maging tapat ang tao sa nararapat gawin ng tao, na walang kaugnayan sa Banal na Espiritu. Ito ay walang iba kundi yaong nararapat gawin ng tao, at dapat sundin bilang isang utos, katulad ng pagsunod sa kautusan sa Lumang Tipan. Bagama’t hindi Kapanahunan ng Kautusan ngayon, marami pa ring mga salitang dapat sundin na kauri ng mga salitang sinambit sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang mga salitang ito ay hindi isinasakatuparan sa pamamagitan lamang ng pag-asa sa pag-antig ng Banal na Espiritu, kundi sa halip, ang mga ito ay dapat sundin ng tao. Halimbawa: Huwag ninyong husgahan ang gawain ng praktikal na Diyos. Huwag ninyong kontrahin ang taong pinatotohanan ng Diyos. Sa harap ng Diyos, tumayo kayo sa inyong lugar at huwag maging pasaway. Dapat kayong maging mahinahon sa pagsasalita, at ang inyong mga salita at kilos ay kailangang sumunod sa mga plano ng taong pinatotohanan ng Diyos. Dapat kayong magpitagan sa patotoo ng Diyos. Huwag ninyong balewalain ang gawain ng Diyos at ang mga salitang nagmumula sa Kanyang bibig. Huwag ninyong gayahin ang tono at mga layunin ng mga pahayag ng Diyos. Sa inyong mga kilos, huwag kayong gumawa ng anuman na hayagang kumokontra sa taong pinatotohanan ng Diyos. At iba pa. Ito ang mga bagay na dapat sundin ng bawat tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Kautusan ng Bagong Kapanahunan
601. Ngayon, wala nang mas mahalagang sundin ang tao kaysa sa mga sumusunod: Hindi mo dapat tangkaing manuyo sa Diyos na nakatayo sa iyong harapan, o magtago ng anuman sa Kanya. Huwag kang bumigkas ng karumihan o ng mayabang na pananalita sa harap ng Diyos na nasa iyong harapan. Huwag mong linlangin ang Diyos na nasa iyong harapan sa matatamis na salita at mabulaklak na mga pananalita upang makamit ang Kanyang tiwala. Huwag kang kumilos nang walang pagpipitagan sa harap ng Diyos. Sundin mo ang lahat ng lumalabas mula sa bibig ng Diyos, at huwag labanan, kontrahin, o tutulan ang Kanyang mga salita. Huwag mong ipakahulugan ayon sa inaakala mong angkop ang mga salitang nagmumula sa bibig ng Diyos. Dapat mong ingatan ang iyong pananalita upang maiwasan mong mahulog sa bitag ng mapanlinlang na mga pakana ng masasama. Dapat mong ingatan ang iyong mga paghakbang upang maiwasang labagin ang mga hangganang itinakda ng Diyos para sa iyo. Kung lumabag ka, magiging dahilan ito upang tumayo ka sa posisyon ng Diyos at magsalita ng mga salitang mapagmataas at mapagmalaki, at sa gayon ay kamumuhian ka ng Diyos. Huwag mong ipalaganap nang walang ingat ang mga salitang nagmumula sa bibig ng Diyos, at baka kutyain ka ng iba at gawin kang tanga ng mga diyablo. Sundin mo ang buong gawain ng Diyos ng ngayon. Kahit hindi mo ito nauunawaan, huwag mo itong husgahan; ang tanging magagawa mo ay maghanap at makibahagi. Walang taong lalabag sa orihinal na lugar ng Diyos. Wala ka nang ibang magagawa kundi paglingkuran ang Diyos ng ngayon mula sa posisyon ng tao. Hindi mo maaaring turuan ang Diyos ng ngayon mula sa posisyon ng tao—hindi tamang gawin iyon. Walang sinumang maaaring pumalit sa lugar ng taong pinatotohanan ng Diyos; sa iyong mga salita, kilos, at saloobin, nakatayo ka sa posisyon ng tao. Dapat itong sundin, responsibilidad ito ng tao, walang sinuman na maaaring magbago rito; ang pagtatangkang gawin iyon ay lalabag sa mga atas administratibo. Dapat itong tandaan ng lahat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Kautusan ng Bagong Kapanahunan
602. Bawat pangungusap na Aking binibigkas ay may taglay na awtoridad at paghatol, at walang sinumang maaaring magbago ng Aking mga salita. Sa sandaling lumabas ang Aking mga salita, tiyak na matutupad ang mga bagay ayon sa Aking mga salita; ito ang Aking disposisyon. Ang Aking mga salita ay awtoridad at sinumang bumabago sa mga iyon ay nagkakasala sa Aking pagkastigo, at kailangan Ko silang pabagsakin. Sa seryosong mga kalagayan, ipinapahamak nila ang sarili nilang buhay at napupunta sila sa Hades, o sa walang-hanggang kalaliman. Ito ang Aking tanging paraan ng pakikitungo sa sangkatauhan, at walang paraan ang tao para baguhin ito—ito ang Aking atas administratibo. Tandaan ninyo ito! Walang sinumang pinahihintulutang magkasala sa Aking atas; kailangang magawa ang mga bagay ayon sa Aking kalooban! Dati-rati, napakaluwag Ko sa inyo at ang Aking mga salita lang ang nakatagpo ninyo. Hindi pa nagaganap ang mga salitang Aking ipinahayag tungkol sa pagpapabagsak sa mga tao. Ngunit mula ngayon, lahat ng kalamidad (ang mga ito na may kaugnayan sa Aking mga atas administratibo) ay sunud-sunod na darating upang parusahan ang lahat ng hindi umaayon sa Aking kalooban. Kailangang magkaroon ng pagdating ng mga katotohanan—kung hindi ay hindi makikita ng mga tao ang Aking poot kundi paulit-ulit nilang durungisan ang kanilang sarili. Isa itong hakbang ng Aking plano ng pamamahala, at ito ang paraan kung paano Ko gagawin ang susunod na hakbang ng Aking gawain. Ipinagpapauna Ko ito sa inyo nang sa gayon ay maiwasan ninyong makagawa ng pagkakasala at mapahamak magpakailanman. Ibig sabihin, mula sa araw na ito, papupuntahin ko ang lahat ng tao, maliban sa Aking mga panganay na anak, sa kanilang dapat kalagyan ayon sa Aking kalooban, at isa-isa Ko silang kakastiguhin. Hindi Ko palalagpasin ang kahit isa sa kanila. Subukan lang ninyong magpakasamang muli! Subukan mo lang maging suwail na muli! Nasabi Ko na noon na matuwid Ako sa lahat, na wala Ako ni katiting na damdamin, at ipinapakita nito na hindi dapat magkasala sa Aking disposisyon. Ito ang Aking persona. Walang sinumang maaaring magbago nito. Naririnig ng lahat ng tao ang Aking mga salita at nakikita ng lahat ng tao ang Aking maluwalhating mukha. Kailangan Akong sundin ng lahat ng tao nang lubusan at ganap—ito ang Aking atas administratibo. Lahat ng tao sa buong sansinukob at sa mga dulo ng mundo ay dapat Akong purihin at luwalhatiin, sapagkat Ako ang natatanging Diyos Mismo, sapagkat Ako ang persona ng Diyos. Walang sinumang maaaring magbago ng Aking mga salita at pahayag, ng Aking pananalita at kilos, sapagkat ang mga ito ay mga bagay na para sa Akin lamang, at ang mga ito ay mga bagay na taglay Ko na noong una pa man at iiral magpakailanman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 100
603. Ang paghatol Ko’y dumarating sa lahat, ang Aking mga atas administratibo ay umaabot sa bawat isa, at ang Aking mga salita at Aking persona ay ibinubunyag sa bawat isa. Ito ang panahon para sa dakilang gawain ng Aking Espiritu (sa panahong ito, yaong mga pagpapalain at yaong mga magdurusa ng kasamaang-palad ay ibinubukod sa bawat isa). Sa sandaling ang Aking mga salita ay lumabas, napag-iba Ko na yaong mga pagpapalain, gayundin yaong mga magdurusa ng kasamaang-palad. Malinaw na malinaw ang lahat ng ito, at nakikita Kong lahat sa isang sulyap. (Sinasabi Ko ito hinggil sa Aking pagkatao; kaya hindi sinasalungat ng mga salitang ito ang Aking katalagahan at pagpili.) Gumagala Ako sa mga kabundukan at mga ilog at sa lahat ng bagay, sa kalawakan ng sansinukob, pinagmamasdan at nililinis ang bawat lugar nang sa gayon yaong maruruming lugar at yaong malalaswang lupain ay hindi na iiral lahat at masusunog tungo sa kawalan dahil sa Aking mga salita. Para sa Akin, madali ang lahat ng bagay. Kung ngayon ang oras na Aking paunang itinalaga na wasakin ang mundo, maaari Ko itong lulunin sa pagbigkas ng isang salita. Gayunpaman, hindi ngayon ang oras. Lahat ay dapat maging handa bago Ko gawin ang gawaing ito, upang hindi magambala ang Aking plano at hindi maantala ang Aking pamamahala. Alam Ko kung paano ito gawin nang makatwiran; mayroon Ako ng Aking karunungan at mayroon Ako ng sarili Kong pagsasaayos. Hindi dapat gumalaw ang mga tao kahit isang daliri; maging maingat na hindi mapatay sa Aking kamay. Umabot na ito sa Aking mga atas administratibo. Mula rito ay makikita ang kabagsikan ng Aking mga atas administratibo, gayundin ang mga prinsipyo sa likod ng mga ito, na mayroong dalawang panig sa mga ito: Sa isang banda, pinapatay Ko ang lahat ng hindi nakaayon sa Aking kalooban at lumalabag sa Aking mga atas administratibo; sa kabilang banda, sa Aking poot ay isinusumpa Ko ang lahat ng lumalabag sa Aking mga atas administratibo. Hindi maaaring mawala ang dalawang aspeto na ito, at siyang mga prinsipyo sa pamamalakad sa likod ng Aking mga atas administratibo. Bawat tao ay pinamamahalaan ayon sa dalawang prinsipyong ito, nang walang damdamin, kahit na gaano pa katapat ang isang tao. Ito ay sapat na upang ipakita ang Aking katuwiran, ang Aking kamahalan, at ang Aking poot, na susunog sa lahat ng makalupang bagay, lahat ng makamundong bagay, at lahat ng bagay na hindi nakaayon sa Aking kalooban. Mayroong mga hiwagang nananatiling nakatago sa Aking mga salita, at mayroon ding mga hiwagang nabunyag na sa Aking mga salita. Kaya, sang-ayon sa pantaong kuru-kuro, at sa isipan ng tao, ang Aking mga salita ay magpakailanmang di-mauunawaan at ang Aking puso ay magpakailanmang di-maaarok. Sa madaling salita, dapat Kong alisin sa mga tao ang kanilang mga kuru-kuro at pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang bagay sa Aking plano ng pamamahala. Kailangang gawin Ko ito sa ganitong paraan upang makamit ang Aking mga panganay na anak at upang matupad ang mga bagay na gusto Kong gawin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 103
604. Hangga’t patuloy na umiiral ang lumang mundo, ipupukol Ko ang Aking galit sa mga bansa nito, hayagang ipapahayag ang Aking mga atas administratibo sa buong sansinukob, at kakastiguhin ang sinumang lumalabag sa mga ito:
Kapag ibinabaling Ko ang Aking mukha sa sansinukob upang magsalita, naririnig ng buong sangkatauhan ang Aking tinig, at pagkatapos ay nakikita ang lahat ng Aking nagawa sa buong sansinukob. Yaong mga lumalaban sa Aking kalooban, ibig sabihin, yaong mga kumokontra sa Akin sa mga gawa ng tao, ay sasailalim sa Aking pagkastigo. Kukunin Ko ang napakaraming bituin sa kalangitan at paninibaguhin ang mga ito, at dahil sa Akin, ang araw at ang buwan ay mapapanibago—ang kalangitan ay hindi na magiging gaya ng dati at ang napakaraming bagay sa lupa ay mapapanibago. Lahat ay magiging ganap sa pamamagitan ng Aking mga salita. Ang maraming bansa sa loob ng sansinukob ay muling hahati-hatiin at papalitan ng Aking kaharian, kaya ang mga bansa sa ibabaw ng lupa ay maglalaho magpakailanman at lahat ay magiging isang kaharian na sumasamba sa Akin; lahat ng bansa sa lupa ay mawawasak at titigil sa pag-iral. Sa mga tao sa loob ng sansinukob, lahat ng nabibilang sa diyablo ay lilipulin, at lahat ng sumasamba kay Satanas ay isasadlak sa Aking naglalagablab na apoy—ibig sabihin, maliban doon sa mga sumusunod sa agos, lahat ay magiging abo. Kapag kinakastigo Ko ang maraming tao, yaong mga nasa relihiyosong mundo, sa iba’t ibang lawak, ay babalik sa Aking kaharian, na nalupig ng Aking mga gawa, dahil nakita na nila ang pagdating ng Banal na nakasakay sa isang puting ulap. Lahat ng tao ay paghihiwa-hiwalayin ayon sa sarili nilang uri, at tatanggap ng mga pagkastigo na nararapat sa kanilang mga kilos. Lahat ng kumalaban sa Akin ay masasawi; yaon namang mga hindi Ako kasali sa kanilang mga gawa sa lupa, sila, dahil sa paraan ng pagpapawalang-sala nila sa kanilang sarili, ay patuloy na iiral sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Aking mga anak at Aking mga tao. Ihahayag Ko ang Aking sarili sa napakaraming tao at sa napakaraming bansa, at sa sarili Kong tinig, maririnig Ako sa ibabaw ng lupa, na ipinapahayag ang pagkumpleto ng Aking dakilang gawain para makita ng buong sangkatauhan sa sarili nilang mga mata.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 26