A. Mga Hinihingi ng Diyos sa Tao
605. Sa ngayon, hahangarin ninyo na maging mga tao ng Diyos, at sisimulan ang buong pagpasok sa tamang landas. Ang maging mga tao ng Diyos ay nangangahulugan ng pagpasok sa Kapanahunan ng Kaharian. Sa kasalukuyan, opisyal na ninyong sinisimulan ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian, at ang inyong mga buhay sa hinaharap ay titigil na sa pagiging makupad at pabaya kagaya nang dati; sa gayong pamumuhay, imposibleng maabot ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos. Kung hindi ka nakakadama ng anumang pagmamadali, ipinapakita nito na wala kang pagnanais na paunlarin ang iyong sarili, na ang iyong paghahangad ay magulo at nalilito, at ikaw ay walang kakayahan na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian ay nangangahulugan ng pagsisimula ng buhay ng bayan ng Diyos—nakahanda ka bang tanggapin ang gayong pagsasanay? Nakahanda ka bang makadama ng pagmamadali? Nakahanda ka bang mabuhay sa ilalim ng pagdidisiplina ng Diyos? Nakahanda ka bang mabuhay sa ilalim ng pagkastigo ng Diyos? Kapag ang mga salita ng Diyos ay dumating sa iyo at ikaw ay sinubok, paano ka kikilos? At ano ang iyong gagawin kapag naharap ka sa lahat ng klase ng katunayan? Noong nakaraan, ang iyong pokus ay hindi sa buhay; sa kasalukuyan, dapat kang magtuon sa pagpasok sa buhay realidad, at hangarin ang mga pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay. Ito ang dapat matamo ng mga tao ng kaharian. Lahat ng tao ng Diyos ay dapat magtaglay ng buhay, dapat nilang tanggapin ang pagsasanay ng kaharian, at hangarin ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ng kaharian.
Ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ng kaharian ay ang mga sumusunod:
1) Dapat nilang tanggapin ang mga atas ng Diyos. Ibig sabihin nito, dapat nilang tanggapin ang lahat ng salitang binigkas sa gawain ng Diyos sa mga huling araw.
2) Dapat silang pumasok sa pagsasanay ng kaharian.
3) Dapat nilang hangarin na antigin ng Diyos ang kanilang mga puso. Kapag ang iyong puso ay ganap nang bumaling sa Diyos, at mayroon kang isang normal na espirituwal na buhay, mabubuhay ka sa dako ng kalayaan, na nangangahulugang mabubuhay ka sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng pag-ibig ng Diyos. Kung ikaw ay nabubuhay sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos, saka ka lamang nagiging isang tao na hinirang ng Diyos.
4) Dapat silang makamit ng Diyos.
5) Dapat silang maging isang pagpapamalas ng kaluwalhatian ng Diyos sa lupa.
Ang limang puntong ito ay ang Aking mga atas para sa inyo. Ang Aking mga salita ay binibigkas sa bayan ng Diyos, at kung ikaw ay hindi nakahanda na tanggapin ang mga tagubilin na ito, hindi kita pipilitin—ngunit kung tunay mong tinatanggap ang mga iyon, masusundan mo ang kalooban ng Diyos. Sa kasalukuyan, sinisimulan ninyong tanggapin ang mga atas ng Diyos, at hinahangad na maging mga tao ng kaharian at maabot ang mga pamantayang kinakailangan upang maging mga tao ng kaharian. Ito ang unang hakbang ng pagpasok. Kung nais mong ganap na sumunod sa kalooban ng Diyos, dapat mong tanggapin ang limang atas na ito, at kung magagawa mong matamo ang mga ito, magiging naaayon ka sa mga layunin ng Diyos at tiyak na mahusay na mapapakinabangan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak
606. Ang namana ninyo sa araw na ito ay higit pa sa namana ng mga apostol at propeta sa lahat ng panahon at higit pa sa namana nina Moises at Pedro. Ang mga pagpapala ay hindi matatamo sa loob ng isa o dalawang araw; ang mga iyon ay kailangang makamtan sa pamamagitan ng malaking halaga. Ibig sabihin, kailangan niyong magtaglay ng pagmamahal na nagdaan na sa pagpipino, kailangan kayong magkaroon ng malaking pananalig, at kailangan kayong magkaroon ng maraming katotohanang hinihingi ng Diyos na inyong matamo; bukod pa rito, kailangan magawa ninyong bumaling sa katarungan, nang hindi nasisindak o umuurong, at kailangang magkaroon kayo ng mapagmahal-sa-Diyos na puso na hindi nagbabago hanggang kamatayan. Kailangang magkaroon kayo ng determinasyon, kailangang magkaroon ng mga pagbabago sa inyong buhay disposisyon, kailangang malunasan ang inyong katiwalian, kailangang tanggapin ninyo ang lahat ng pamamatnugot ng Diyos nang walang reklamo, at kailangan magawa ninyong magpasakop maging hanggang kamatayan. Ito ang dapat ninyong makamit, ito ang panghuling layunin ng gawain ng Diyos, at ito ang hinihingi ng Diyos sa grupong ito ng mga tao. Dahil nagbibigay Siya sa inyo, tiyak na may hihingin Siya bilang kapalit, at tiyak na maglalatag ng mga naaangkop na hinihingi para sa inyo. Samakatwid, may dahilan ang lahat ng gawain ng Diyos. Mula rito ay makikita kung bakit, paulit-ulit, gumagawa ang Diyos ng gawaing nagtatakda ng matataas na pamantayan at mahihigpit na kinakailangan. Ito ang dahilan kaya dapat kayong mapuspos ng pananalig sa Diyos. Sa madaling salita, lahat ng gawain ng Diyos ay ginagawa para sa inyong kapakanan, nang sa gayon ay maging karapat-dapat kayong tumanggap ng Kanyang pamana. Sa halip na sabihing ito ay alang-alang sa sariling kaluwalhatian ng Diyos, mas mainam na sabihing ito ay alang-alang sa inyong kaligtasan at alang-alang sa pagpeperpekto sa grupong ito ng mga tao na lubhang pinahirapan sa maruming lupain. Dapat ninyong unawain ang layunin ng Diyos. Kaya nga, pinapayuhan Ko ang maraming taong mangmang na walang anumang kabatiran o katwiran: Huwag ninyong subukin ang Diyos, at huwag na kayong lumaban. Nagtiis na ang Diyos ng lahat ng uri ng pagdurusang hindi kailanman tiniis ng tao, at matagal nang nagtiis maging ng mas maraming kahihiyan bilang kahalili ng tao. Ano, kung gayon, ang hindi ninyo kayang bitawan? Ano pa ang mas mahalaga kaysa sa mga layunin ng Diyos? Ano pa ang mas tataas kaysa sa pagmamahal ng Diyos? Mahirap na ngang isagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa maruming lupaing ito; kung, bukod pa rito, sadya at kusang sumasalangsang ang tao, kailangang tagalan pa ang gawain ng Diyos. Sa madaling salita, hindi ito para sa pinakamabuting kapakanan ng isang tao, walang pakinabang ito kaninuman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?
607. Ang mga salitang sinasabi Ko ay mga katotohanang nakatuon sa buong sangkatauhan; ang mga ito ay hindi lamang para sa isang partikular na tao o uri ng tao. Samakatuwid, dapat ninyong tutukan ang pag-arok sa mga salita Ko mula sa pananaw ng katotohanan, at dapat kayong magkaroon ng saloobin na nakatutok ang inyong atensiyon at mayroon kayong sinseridad; huwag ninyong balewalain ang isa mang salita o katotohanang sinasabi Ko, at huwag tratuhin nang basta-basta ang lahat ng salitang sinasabi Ko. Sa mga buhay ninyo, nakikita Kong marami kayong ginawang walang kinalaman sa katotohanan, kaya naman partikular Kong hinihiling na maging mga tagapaglingkod kayo ng katotohanan, na huwag kayong magpaalipin sa kabuktutan at kapangitan, at huwag ninyong yurakan ang katotohanan o dungisan ang alinmang sulok ng sambahayan ng Diyos. Ito ang paalala Ko sa inyo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala
608. Umaasa lang Ako na hindi ninyo magagawang sayangin ang Aking mga pagsisikap, at, bukod pa roon, na magagawa ninyong maunawaan ang maingat na pangangalagang Aking ginawa, at ituring ang Aking mga salita bilang saligan ng kung paano kayo kumikilos bilang isang tao. Kung ang mga ito man ay ang uri ng mga salita na handa ninyong pakinggan o hindi, kung nasisiyahan man kayo o hindi na tanggapin ang mga ito o matatanggap lang ang mga ito nang may pagkabalisa, dapat ninyong seryosohin ang mga ito. Kung hindi, ang inyong mga di-seryoso at walang malasakit na mga disposisyon at mga asal ay lubhang magpapabahala sa Akin at talagang magpapasuklam sa Akin. Lubos Akong umaasa na lahat kayo ay magagawang basahin ang Aking mga salita nang paulit-ulit—nang libu-libong beses—at maisasaulo pa nga ang mga ito. Sa ganitong paraan lang ninyo magagawang hindi biguin ang Aking mga inaasahan sa inyo. Subalit, wala sa inyo ang namumuhay nang ganito ngayon. Sa kabaligtaran, lahat kayo ay nalulubog sa isang pinasamang buhay, isang buhay ng pagkain at pag-inom hanggang sa inyong ikasisiya, at wala sa inyo ang gumagamit ng Aking mga salita upang mapayaman ang inyong puso at kaluluwa. Ito ang dahilan kung bakit nahinuha Ko ang totoong mukha ng sangkatauhan: Kaya Akong pagtaksilan ng tao anumang oras, at walang sinuman ang maaaring maging lubos na matapat sa Aking mga salita.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (1)
609. Ang hinihingi ng Diyos sa tao ay ang tanging pagmamahal nila; hinihiling Niya na mapuspos ang tao ng Kanyang mga salita at magkaroon ng pusong puno ng pagmamahal para sa Kanya. Ang mabuhay sa loob ng mga salita ng Diyos, saliksikin sa loob ng Kanyang mga salita para sa yaong dapat nilang hangarin, mahalin ang Diyos dahil sa Kanyang mga salita, kumilos para sa Kanyang mga salita, mabuhay para sa Kanyang mga salita—ito ang mga mithiing dapat pagsikapang makamit ng tao. Lahat ay kailangang maitatag sa mga salita ng Diyos; saka lamang magagawang tugunan ng tao ang mga hinihingi ng Diyos. Kung ang tao ay hindi nasasangkapan ng mga salita ng Diyos, isa lamang siyang uod na nalulukuban ni Satanas! Timbangin mo ito: Gaano karaming salita ng Diyos ang nag-ugat na sa iyong kalooban? Aling mga bagay ang ipinamumuhay mo alinsunod sa Kanyang mga salita? Aling mga bagay ang hindi mo naipamumuhay alinsunod sa mga ito? Kung hindi ka pa lubos na napuno ng mga salita ng Diyos, ano ba talaga ang laman ng iyong puso? Sa iyong pang-araw-araw na buhay, kinokontrol ka ba ni Satanas, o puno ka ba ng mga salita ng Diyos? Ang Kanya bang mga salita ang pundasyon ng iyong mga dalangin? Nakalabas ka na ba mula sa iyong negatibong kalagayan sa tulong ng kaliwanagang dulot ng mga salita ng Diyos? Ang gawing pundasyon ng iyong buhay ang mga salita ng Diyos—ito ang dapat pasukin ng lahat. Kung wala ang Kanyang mga salita sa iyong buhay, nabubuhay ka sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, naghihimagsik ka laban sa Diyos, nilalabanan mo Siya, at inilalagay mo sa kahihiyan ang Kanyang pangalan. Ang paniniwala sa Diyos ng gayong mga tao ay puro kalokohan at panggugulo lamang. Gaano kalaking bahagi ng iyong buhay ang naipamuhay mo alinsunod sa Kanyang mga salita? Gaano kalaking bahagi ng iyong buhay ang hindi mo naipamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita? Gaano kalaking bahagi ng hinihingi sa iyo ng salita ng Diyos ang natupad na sa iyo? Gaano kalaki ang nawala sa iyo? Nasuri mo na ba nang husto ang mga bagay na ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tumakas mula sa Impluwensya ng Kadiliman, at Kakamtin Ka ng Diyos
610. Handa ba kayong tamasahin ang Aking mga pagpapala sa lupa, mga pagpapalang katulad ng mga nasa langit? Handa ba kayong pahalagahan ang pag-unawa sa Akin, ang pagtatamasa ng Aking mga salita at ang pagkakilala sa Akin, bilang ang pinakamahalaga at makabuluhang mga bagay sa inyong buhay? Kaya ba talaga ninyong lubos na magpasakop sa Akin, na hindi iniisip ang inyong sariling mga interes? Kaya ba talaga ninyong tulutan ang inyong sarili na patayin Ko, at akayin Ko, gaya ng isang tupa? Mayroon bang sinuman sa inyo na may kakayahang kamtin ang ganyang mga bagay? Maaari kaya na ang lahat ng Aking tinatanggap at tumatanggap ng Aking mga pangako ay yaong mga nagkakamit ng Aking mga pagpapala? May naintindihan ba kayo na anuman mula sa mga salitang ito? Kung susubukin Ko kayo, kaya ba ninyong tunay na hayaan Akong mamatnugot ayon sa gusto Ko, at, sa gitna ng mga pagsubok na ito, hanapin ang Aking mga intensyon at damhin ang Aking puso? Hindi Ko nais para sa iyo na makapagsalita ng maraming makabagbag-damdaming salita, o makapagsabi ng maraming nakasasabik na kuwento; sa halip, hinihingi Ko na makaya mong magpatotoo nang mainam sa Akin, at na makapasok ka nang lubusan at malaliman sa realidad. Kung hindi Ako nagsalita nang tuwiran, tatalikuran mo kaya ang lahat ng bagay na panlabas sa iyo at tutulutan ang iyong sarili na gamitin Ko? Hindi ba ito ang realidad na Aking hinihingi? Sino ang nakakatarok sa kahulugan ng Aking mga salita? Subalit hinihingi Ko na huwag na kayong mabigatan pa sa mga pagdududa, na magkaroon kayo ng positibong mentalidad sa inyong pagpasok at intindihin ang diwa ng Aking mga salita. Pipigilan kayo nito na magkamali sa pag-unawa sa Aking mga salita, at malabuan sa ibig Kong sabihin, at sa gayon ay lumabag sa Aking mga atas administratibo. Sana ay naiintindihan ninyo ang Aking mga layunin para sa inyo sa Aking mga salita. Huwag na ninyong isipin pa ang sarili ninyong mga pag-asam, at kumilos kayo ayon sa inyong matibay na pagpapasya sa Aking harapan na hayaan ang Diyos na pamatnugutan ka sa lahat ng bagay. Dapat ang lahat niyaong tumatayo sa loob ng Aking sambahayan ay gawin ang lahat ng kanilang makakaya; dapat mong ihandog ang iyong pinakamahusay hanggang sa huling bahagi ng Aking gawain sa lupa. Handa ka ba talagang isagawa ang gayong mga bagay?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 4
611. Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, na binabantayan ang pasukan ng Aking sambahayan para sa Akin; dapat ay kaya nilang suportahan ang isa’t isa at tustusan ang isa’t isa, upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, na ang oras kung kailan magiging huling-huli na para magsisi. Bakit Ko kayo sinasanay nang may ganitong pagmamadali? Bakit Ko sinasabi sa inyo ang mga katunayan ng espirituwal na mundo? Bakit Ko kayo paulit-ulit na pinaaalalahanan at pinapayuhan? Napag-isipan na ba ninyo ito kahit kailan? Nalinawan na ba ninyo ito sa inyong pagninilay? Kaya, hindi lamang ninyo kailangang sanayin ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagbatay sa pundasyon ng nakaraan, kundi, higit pa riyan, maalis ang mga dumi sa inyong kalooban sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng ngayon, na tinutulutan ang bawat isa sa Aking mga salita na mag-ugat at mamukadkad sa iyong espiritu, at ang mas mahalaga, higit pang mamunga. Iyan ay dahil ang Aking hinihingi ay hindi matitingkad at mayayabong na bulaklak, kundi saganang bunga, bungang hindi nawawala ang pagkahinog. Nauunawaan mo ba ang tunay na kahulugan ng Aking mga salita? Bagama’t ang mga bulaklak sa isang greenhouse ay di-mabilang na tulad ng mga bituin, at inaakit ang lahat ng taong humahanga, kapag nalanta na ang mga iyon, nasisira ang mga iyon tulad ng mapanlinlang na mga pakana ni Satanas, at walang sinumang nagpapakita ng anumang interes sa kanila. Subalit lahat ng hinampas ng mga hangin at sinunog ng araw na nagpapatotoo sa Akin, bagama’t hindi maganda ang pamumulaklak, ay magbubunga kapag nalanta na ang mga bulaklak, sapagkat kinakailangan Kong mangyari iyon sa kanila. Kapag sinasambit Ko ang mga salitang ito, gaano ang nauunawaan ninyo? Kapag nalanta at namunga na ang mga bulaklak, at kapag masisiyahan Ako sa lahat ng bungang ito, tatapusin Ko ang lahat ng Aking gawain sa lupa, at sisimulan Kong tamasahin ang pagkabuo ng Aking karunungan!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3
612. Sa loob ng mahabang panahon, ang mga tao na naniniwala sa Diyos ay masugid nang nag-aasam ng isang magandang hantungan, at ang lahat ng mga naniniwala sa Diyos ay umaasa na biglang darating sa kanila ang mabuting kapalaran. Umaasa silang lahat na bago pa nila mamalayan ay masusumpungan nila ang mga sarili na payapang nakaluklok sa isang lugar o sa iba pang dako sa langit. Ngunit sinasabi Ko na ang mga taong ito, taglay ang magaganda nilang mga saloobin, ay hindi kailanman nakabatid kung sila ba ay naaangkop tumanggap ng ganoon kabuting kapalaran na nagmumula sa langit, o kaya ay maupo man lamang sa isang luklukan doon. Kayo, sa kasalukuyan, ay may mabuting kaalaman sa inyong mga sarili, ngunit umaasa pa rin kayo na matatakasan ninyo ang mga sakuna sa mga huling araw at ang kamay ng Makapangyarihan sa lahat kapag pinarusahan na Niya ang masasama. Tila ba ang pagkakaroon ng matatamis na pangarap at paghahangad sa mga bagay ayon sa kanilang kagustuhan ay isang karaniwang katangian ng lahat ng taong ginawang tiwali ni Satanas, at hindi bunga ng katalinuhan ng sinumang nag-iisang indibiduwal. Magkagayon pa man, hangad Ko pa ring wakasan ang inyong mga labis-labis na pagnanasa, gayundin ang inyong kasabikang magkamit ng mga pagpapala. Dahil napakarami ng inyong paglabag, at ang katunayan na patuloy na tumitindi ang inyong paghihimagsik, paano aakma ang mga bagay na ito sa inyong magagandang plano para sa hinaharap? Kung nais mong gumawa ng pagkakamali ayon sa iyong nais, nang walang pumipigil sa iyo, ngunit kasabay nito’y nais mo pa ring matupad ang mga pangarap mo, hinihimok kita, kung gayon, na magpatuloy sa iyong kawalang-ulirat at huwag nang gumising kailanman—sapagkat ang sa iyo ay isang hungkag na pangarap at sa harap ng matuwid na Diyos, hindi ka Niya gagawan ng pagtatangi. Kung nais mo lamang na matupad ang iyong mga pangarap, huwag kang mangarap kailanman; bagkus, ay harapin mo magpakailanman ang katotohanan at ang mga katunayan. Ito ang tanging paraan upang mailigtas ka. Ano, sa tiyak na pananalita, ang mga hakbang ng pamamaraang ito?
Una, suriin ang lahat ng paglabag mo, at suriin ang anumang asal at mga saloobin mo na hindi umaayon sa katotohanan.
Ito ay isang bagay na madali mong magagawa, at naniniwala Ako na kaya itong gawin ng lahat ng matatalinong tao. Gayunman, yaong mga hindi kailanman nakaaalam kung ano ang kahulugan ng pagsalangsang at katotohanan ay mga di-kabilang, sapagkat sa pangunahing antas ay hindi sila matatalinong tao. Nakikipag-usap Ako sa mga taong kinilala ng Diyos, matatapat, hindi lubhang lumabag sa anumang mga atas administratibo, at madaling makabatid ng kanilang mga pagsalangsang. Bagama’t itong isang bagay na hinihingi Ko sa inyo ay madaling gawin, hindi lamang ito ang bagay na hinihingi Ko sa inyo. Ano’t anuman, umaasa Ako na hindi ninyo lihim na pagtatawanan ang hinihingi Kong ito, at lalong hindi ninyo ito mamaliitin o hahamakin. Seryosohin ninyo ito, at huwag itong ipagwalang-bahala.
Ikalawa, para sa bawat pagsalangsang at paghihimagsik mo, dapat kang humanap ng isang katumbas na katotohanan, at pagkaraan ay gamitin ang mga katotohanang ito upang lutasin ang mga usaping iyon. Kasunod niyan, palitan mo ang iyong mapanlabag na mga kilos at mapaghimagsik na mga saloobin at mga kilos ng pagsasagawa ng katotohanan.
Ikatlo, dapat kang maging isang taong taos-puso; huwag mong subukang mambola, at huwag maging mapanlinlang na tao. (Dito ay muli Kong hinihingi sa inyo na maging isang matapat na tao.)
Kung matutupad mong lahat ang tatlong bagay na ito, isa ka sa mapapalad—isang tao na natutupad ang mga pangarap at tumatanggap ng mabuting kapalaran. Marahil ay ituturing ninyong seryoso ang tatlong hindi kahali-halinang kahilingang ito, o marahil ay ituturing ninyo nang walang pananagutan ang mga ito. Ano’t anuman, ang Aking layunin ay ang tuparin ang inyong mga pangarap at maisakatuparan ang inyong mga adhikain, hindi ang pagtawanan kayo o paglaruan kayo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Pagsalangsang ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno
613. Napakarami Kong inaasahan. Umaasa Akong makakikilos kayo sa isang wasto at maayos na paraan, debotong gagampanan ang inyong tungkulin, magtataglay ng katotohanan at pagkatao, magiging mga tao na matatalikdan ang lahat ng bagay, kabilang na ang buhay nila, para sa Diyos, at iba pa. Nagmumula ang lahat ng pag-asang ito sa inyong mga kakulangan at sa inyong katiwalian at paghihimagsik. Kung wala ni isa man sa mga pakikipag-usap Ko sa inyo ang naging sapat upang matawag ang inyong pansin, malamang na ang tangi Kong magagawa ngayon ay ang huwag nang magsalita pa. Gayunman, nauunawaan ninyo kung ano ang mga ibubunga niyan. Hindi Ako madalas magpahinga, kaya’t kung hindi Ako magsasalita, gagawa Ako ng isang bagay na matutunghayan ng mga tao. Magagawa Kong paagnasin ang dila ng isang tao, o magsanhing mamatay ang isang tao nang putol-putol ang katawan, o bigyan ang mga tao ng mga abnormalidad sa paggalaw ng litid at pagmukhain silang nakapangingilabot sa napakaraming paraan. Pero, magagawa Kong ipatiis sa mga tao ang mga pagpapahirap na Aking isinalang para lang sa kanila. Magagalak Ako sa ganitong paraan, labis na magiging masaya at lubos na malulugod. Lagi nang sinasabi na “Ang kabutihan ay sinusuklian ng kabutihan, at ang kasamaan ng kasamaan,” kaya’t bakit hindi ngayon? Kung nais mo Akong salungatin at gumawa ng ilang paghatol tungkol sa Akin, paaagnasin Ko ang iyong bibig, at iyan ay ikagagalak Ko nang walang patid. Ito ay dahil, sa huli, ang ginawa mo ay hindi ang katotohanan, at lalong walang kinalaman sa buhay, samantalang ang lahat ng Aking ginagawa ay katotohanan, ang lahat ng pagkilos Ko ay nauugnay sa mga prinsipyo ng Aking gawain at sa mga atas administratibo na Aking itinakda. Samakatuwid, hinihimok Ko ang bawat isa sa inyo na mag-ipon ng ilang kabutihan, tumigil sa paggawa ng napakaraming kasamaan, at pakinggang mabuti ang Aking mga hinihingi sa inyong mga libreng oras. Makadarama Ako sa gayon ng galak. Kung mag-aambag (o sa halip ay “mag-aabuloy”) kayo sa katotohanan ng kahit ikasanlibo ng pagsisikap na inyong ibinubuhos sa laman, sinasabi Ko, kung gayon, na hindi ka madalas makagagawa ng mga pagsalangsang at magkakaroon ng naaagnas na bibig. Hindi ba ito malinaw?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Pagsalangsang ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno
614. Bilang isang miyembro ng nilikhang sangkatauhan, kailangang panatilihin ng isang tao ang kanyang sariling posisyon, at umasal nang maayos. Matapat na itaguyod kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag hangarin na maging isang dakilang tao, isang superman, o isang engrandeng indibidwal, at huwag hangarin na maging Diyos. Ang lahat ng ito ay kahilingan na hindi dapat taglayin ng mga tao. Ang paghahangad na maging isang dakilang tao o isang superman ay katawa-tawa. Ang paghahangad na maging Diyos ay lalo pang mas kahiya-hiya; ito ay karima-rimarim, at kasuklam-suklam. Ang mahalaga, at ang dapat na panghawakan ng mga nilikha nang higit pa sa anumang bagay, ay ang maging tunay na nilikha; ito lamang ang tanging layon na dapat hangarin ng lahat ng tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I
615. Dapat ninyong tuparin ang inyong sariling tungkulin nang may bukas at matapat na puso, at maging handang magbayad ng anumang halagang kinakailangan. Gaya nga ng sinabi ninyo, pagdating ng araw na iyon, hindi tatratuhin nang masama ng Diyos ang sinuman na nagdusa o nagbayad ng halaga para sa Kanya. Ang ganitong uri ng paniniwala ay karapat-dapat na panghawakan, at nararapat lamang na hindi ninyo ito kailanman kalimutan. Sa ganitong paraan lamang mapapanatag ang isipan Ko ukol sa inyo. Kung hindi, magpakailanman kayong magiging mga taong hindi nagpapanatag ng Aking isipan at kayo’y magpakailanmang magiging mga pinag-uukulan ng Aking pag-ayaw. Kung masusunod ninyong lahat ang inyong konsensiya, at maibibigay ang inyong lahat para sa Akin, na ibinubuhos ang buong pagsisikap para sa Aking gawain, at nag-uukol ng buong buhay na lakas sa Aking gawain ng ebanghelyo, hindi ba’t madalas na lulukso sa tuwa ang Aking puso dahil sa inyo? Sa ganitong paraan, lubos Kong mapapalagay ang Aking isipan ukol sa inyo, hindi ba?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan
616. Nagagawa mo bang ipabatid ang disposisyong ipinahayag ng Diyos sa bawat kapanahunan sa isang kongkretong paraan, gamit ang wikang angkop at nagtataglay ng kabuluhan ng kapanahunang iyon? Ikaw ba, na nakakaranas ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, ay may kakayahan na detalyadong ilarawan ang matuwid na disposisyon ng Diyos? Malinaw at tumpak ka bang makapagpapatotoo sa disposisyon ng Diyos? Paano mo sasabihin ang iyong nakita at naranasan sa mga taong nakakaawa, dukha, at debotong relihiyosong mga mananampalataya na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran at naghihintay sa iyo na ipastol sila? Anong uri ng mga tao ang naghihintay sa iyo na ipastol sila? Naiisip mo ba? Alam mo ba ang pasaning nasa iyong mga balikat, ang iyong atas, at ang iyong responsabilidad? Nasaan ang iyong kamalayan sa makasaysayang misyon? Paano ka magsisilbi nang wasto bilang isang panginoon ng susunod na kapanahunan? Mayroon ka bang malakas na pakiramdam ng pagiging pinuno? Paano dapat ipaliwanag ang panginoon ng lahat ng bagay? Ito ba talaga ang panginoon ng lahat ng nabubuhay na nilalang at lahat ng pisikal na bagay sa mundo? Ano ang mga plano mo para sa pag-usad ng susunod na yugto ng gawain? Ilang tao ang naghihintay sa iyo na pastulin sila? Mabigat ba ang iyong gampanin? Sila ay dukha, kaawa-awa, bulag, at hindi alam ang gagawin, tumatangis sa kadiliman—nasaan ang daan? Lubha silang nananabik sa liwanag, tulad ng isang bulalakaw, upang biglang bumaba at itaboy ang mga puwersa ng kadiliman na nang-api sa tao sa loob ng maraming taon. Sila ay balisang umaasa, at nananabik, araw at gabi, para dito—sino ang ganap na makaaalam nito? Kahit sa araw na nagdaraan nang mabilis ang liwanag, ang mga taong ito na labis na nagdurusa ay nananatiling nakakulong sa isang madilim na piitan nang walang pag-asang mapalaya; kailan sila titigil sa pagtangis? Malubha ang kasawian ng marurupok na espiritung ito na hindi kailanman napagkalooban ng kapahingahan, at matagal nang nananatiling nakagapos sa kalagayang ito ng walang-awang mga gapos at napakong kasaysayan. At sino na ang nakarinig sa tunog ng kanilang pagtangis? Sino na ang nakakita sa kanilang miserableng kalagayan? Naisip mo na ba kung gaano kalungkot at kabalisa ang puso ng Diyos? Paano Niya matitiis na makita ang inosenteng sangkatauhan, na nilikha ng sarili Niyang mga kamay, na nagdurusa ng gayong pagpapahirap? Kunsabagay, ang sangkatauhan ang mga biktimang nalason na. At bagama’t nanatiling buhay ang tao hanggang sa araw na ito, sino ang makakaalam na matagal nang nalason ng masama ang sangkatauhan? Nalimutan mo na ba na isa ka sa mga biktima? Hindi ka ba handang magsikap, dala ng iyong pagmamahal sa Diyos, na iligtas ang mga natirang buhay na ito? Hindi ka ba handang ilaan ang lahat ng iyong lakas upang suklian ang Diyos, na nagmamahal sa sangkatauhan na parang sarili Niyang kadugo’t laman? Paano mo ba mismo maaarok ang paggamit sa iyo ng Diyos upang maipamuhay mo ang iyong ekstraordinaryong buhay? Talaga bang mayroon kang determinasyon at pananalig na ipamuhay ang makabuluhang buhay ng isang taong madasalin at mapaglingkod sa Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Asikasuhin ang Misyon Mo sa Hinaharap?
617. Isa kang nilikha—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at hangaring mamuhay nang makahulugan. Kung hindi mo sasambahin ang Diyos kundi mamumuhay ka ayon sa iyong maruming laman, hindi ba isang hayop ka lamang na nakasuot ng damit ng tao? Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Sa mundong ito, isinusuot ng tao ang damit ng diyablo, kinakain ang pagkaing nagmumula sa diyablo, at gumagawa at naglilingkod sa ilalim ng impluwensiya ng diyablo, at nayuyurakan nito hanggang sa puntong nababalot na ng karumihan nito. Kung hindi mo nauunawaan ang kahulugan ng buhay o natatamo ang tunay na daan, ano ang kabuluhan sa pamumuhay nang ganito? Kayo ay mga taong patuloy na naghahangad sa tamang landas, yaong mga naghahanap ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (2)
618. Dapat ninyong hangaring gawin ang lahat para mahalin ang Diyos sa payapang kapaligirang ito. Sa hinaharap mawawalan na kayo ng mga pagkakataong mahalin ang Diyos, sapagkat may pagkakataon lamang ang mga tao na mahalin ang Diyos sa laman; kapag nabubuhay na sila sa ibang mundo, wala nang sinumang magsasalita tungkol sa pagmamahal sa Diyos. Hindi ba ito ang responsibilidad ng isang nilalang? Kaya nga paano ninyo dapat mahalin ang Diyos sa mga panahon ng inyong buhay? Naisip mo na ba ito kahit kailan? Naghihintay ka ba hanggang sa mamatay ka para mahalin ang Diyos? Hindi ba ito hungkag na pananalita? Ngayon, bakit hindi mo patuloy na sinisikap mahalin ang Diyos? Tunay na pagmamahal ba sa Diyos ang mahalin Siya habang nananatili kang abala? Kaya sinabi na ang hakbang na ito ng gawain ng Diyos ay magwawakas na ay dahil may patotoo na ang Diyos sa harap ni Satanas. Sa gayon, wala nang kailangang gawin ang tao; hinihiling lamang sa tao na patuloy na sikaping mahalin ang Diyos sa mga taon ng kanyang buhay—ito ang susi. Dahil ang mga hinihiling ng Diyos ay hindi malaki, at, bukod pa riyan, dahil may nag-aalab na pagkabalisa sa Kanyang puso, nagbunyag na Siya ng isang buod ng susunod na hakbang ng gawain bago matapos ang hakbang na ito ng gawain, na malinaw na nagpapakita kung gaanong panahon pa ang natitira; kung hindi nababalisa ang Diyos sa Kanyang puso, bibigkasin ba Niya ang mga salitang ito nang napakaaga? Dahil maikli ang panahon kung kaya gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan. Sana’y makaya ninyong mahalin ang Diyos nang buong puso, buong isipan, at buong lakas, tulad ng pagmamahal ninyo sa inyong sariling buhay. Hindi ba ito isang buhay na napakamakahulugan? Saan pa ninyo matatagpuan ang kahulugan ng buhay? Hindi ba kayo nagpapakabulag? Handa ka bang mahalin ang Diyos? Nararapat ba ang Diyos sa pagmamahal ng tao? Nararapat ba ang mga tao sa pagsamba ng tao? Kaya, ano ang dapat mong gawin? Mahalin mo ang Diyos nang may tapang, nang walang pag-aalinlangan, at tingnan mo kung ano ang gagawin ng Diyos sa iyo. Tingnan mo kung papaslangin ka Niya. Sa kabuuan, ang atas na mahalin ang Diyos ay mas mahalaga kaysa ang kopyahin at isulat ang mga bagay-bagay para sa Diyos. Dapat mong unahin kung ano ang pinakamahalaga, upang ang iyong buhay ay magkaroon ng higit na halaga at mapuspos ng kaligayahan, at pagkatapos ay dapat mong hintayin ang “hatol” ng Diyos para sa iyo. Iniisip Ko kung kasama kaya sa plano mo ang mahalin ang Diyos. Ang mga plano sana ng lahat ay yaong tinatapos ng Diyos, at sana magkatotoo ang lahat ng iyon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob,” Kabanata 42
619. Dapat hangarin ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan sa kanyang kasalukuyang mga kalagayan. Upang maisabuhay ang wangis ni Pedro, dapat niyang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat hangarin ng tao ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat niyang hangarin ang isang mas malalim, mas dalisay na pagmamahal sa Diyos, at isang buhay na may halaga at kahulugan. Ito lamang ang buhay; sa ganito lamang magiging katulad kay Pedro ang tao. Dapat kang tumuon sa kusang pagpasok sa positibong panig, at hindi ka dapat maging pasibo at hayaan ang iyong sarili na umurong para lang sa pagkakaroon ng pansamantalang ginhawa habang binabalewala ang mas malalim, mas detalyado, at mas praktikal na mga katotohanan. Dapat kang magtaglay ng praktikal na pagmamahal, at dapat kang humanap ng lahat ng posibleng paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa dekadente at walang-pakialam na pamumuhay na walang pinagkaiba sa paraan ng pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kabuluhan at halaga, at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan. Para sa lahat ng may determinasyon at nagmamahal sa Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano mo dapat ipamuhay ang iyong buhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para matugunan ang Kanyang mga layunin? Wala nang mas mahalagang bagay sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong uri ng determinasyon at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga duwag na walang gulugod. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili nang pabasta-basta sa ganitong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan; pagkatapos niyon, magkakaroon ka pa rin ba ng ganitong uri ng oportunidad na mahalin ang Diyos? Maaari bang mahalin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng determinasyon at ng konsensiya na katulad ng kay Pedro. Ang buhay mo ay dapat na maging makahulugan, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao, at bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat magawa mong isaalang-alang at harapin ang buhay mo nang maingat—isinasaalang-alang kung paano mo dapat ialay ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka magkakaroon ng isang mas makabuluhang pananalig sa Diyos, at dahil sa iniibig mo ang Diyos, paano mo Siya dapat ibigin sa paraang mas dalisay, mas maganda, at mas mabuti.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
620. Ang tamang mga kinakailangan ng Diyos sa sangkatauhan at sa mga sumusunod sa Diyos ay ang mga sumusunod. Nangangailangan ang Diyos ng limang bagay sa mga sumusunod sa Kanya: tunay na pananampalataya, tapat na pagsunod, lubos na pagpapasakop, tunay na kaalaman, at taos-pusong pagkatakot.
Sa limang bagay na ito, kinakailangan ng Diyos na huwag nang magduda ang mga tao sa Kanya o sumunod sa Kanya gamit ang kanilang mga imahinasyon o malabo at mahirap unawaing mga pananaw; kailangan hindi nila dapat sundin ang Diyos batay sa anumang mga imahinasyon o kuru-kuro. Kinakailangan Niya na bawat isa sa mga sumusunod sa Kanya ay gawin iyon nang may katapatan, nang hindi nag-aalinlangan o umiiwas. Kapag may anumang mga kinakailangan ang Diyos sa iyo, sinusubok ka, hinahatulan ka, tinatabas ka, o dinidisiplina at sinasaktan ka, dapat kang lubos na magpasakop sa Kanya. Hindi mo dapat itanong ang dahilan o hindi ka dapat gumawa ng mga kundisyon, lalong hindi mo dapat banggitin ang mga dahilan. Kailangang maging lubos ang iyong pagpapasakop. Ang kaalaman tungkol sa Diyos ang bahaging kulang na kulang sa mga tao. Madalas nilang igiit ang mga kasabihan, pagbigkas, at mga salita ng Diyos na walang kaugnayan sa Kanya, na naniniwala na ang gayong mga salita ang pinakatumpak na pakahulugan ng kaalaman tungkol sa Diyos. Hindi nila alam na ang mga kasabihang ito, na nagmumula sa mga imahinasyon ng tao, sa kanilang sariling pangangatwiran, at sa sarili nilang kaalaman, ay wala ni katiting na kaugnayan sa diwa ng Diyos. Sa gayon, nais Kong sabihin sa inyo na, pagdating sa kaalaman na hangad ng Diyos na taglayin ng mga tao, hindi lamang Niya hinihingi na makilala mo Siya at ang Kanyang mga salita, kundi na tama ang iyong kaalaman tungkol sa Kanya. Kahit isang pangungusap lamang ang masabi mo, o kakaunti lamang ang nababatid mo, ang kaunting kabatirang ito ay tama at totoo, at nakaayon sa diwa ng Diyos Mismo. Ito ay dahil kinasusuklaman ng Diyos ang anumang papuri o parangal sa Kanya na hindi makatotohanan o hindi pinag-isipan. Higit pa riyan, nagagalit Siya kapag tinatrato Siya ng mga tao na parang hangin. Nagagalit Siya kapag, sa oras ng pagtalakay sa mga paksa tungkol sa Diyos, nagsasalita ang mga tao nang walang paggalang sa mga katotohanan, nagsasalita kung kailan nila gusto at nang walang pag-aatubili, nagsasalita kung paano nila nakikitang akma; bukod pa riyan, nagagalit Siya sa mga naniniwala na kilala nila ang Diyos at ipinagyayabang ang kanilang kaalaman tungkol sa Kanya, tinatalakay ang mga paksang nauugnay sa Kanya nang walang pagtitimpi ni pangingimi. Ang huli sa nabanggit na limang kinakailangang iyon ay taos-pusong pagkatakot: Ito ang huling kinakailangan ng Diyos sa lahat ng sumusunod sa Kanya. Kapag taglay ng isang tao ang tama at tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, nagagawa nilang tunay na matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Ang pagkatakot na ito ay nagmumula sa kaibuturan ng kanilang puso; ang pagkatakot na ito ay kusang ibinibigay, at hindi dahil sa pinilit sila ng Diyos. Hindi hinihingi ng Diyos na maghandog ka ng anumang mabuting saloobin, kilos, o panlabas na pag-uugali sa Kanya; sa halip, hinihingi Niya na matakot ka sa Kanya at pangambahan Siya mula sa kaibuturan ng iyong puso. Ang gayong pagkatakot ay natatamo dahil sa mga pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, sa pagtatamo ng kaalaman tungkol sa Diyos at pagkaunawa sa mga gawa ng Diyos, sa pag-unawa sa diwa ng Diyos, at sa pagkilala mo sa katotohanan na isa ka sa Kanyang mga nilikhas. Samakatuwid, ang Aking layunin sa paggamit ng salitang “taos-puso” upang bigyang-depinisyon dito ang pagkatakot ay para maunawaan ng mga tao na ang kanilang pagkatakot sa Diyos ay dapat magmula sa kaibuturan ng kanilang puso.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X
621. Dapat ninyong lahat tingnan ngayon ang mga sarili ninyo agad-agad, upang makita kung gaano kalaking pagkakanulo sa Akin ang nasasainyo pa. Sabik Akong naghihintay sa inyong tugon. Huwag ninyo Akong pakitunguhan nang basta-basta. Kailanma’y hindi Ako nakikipaglaro sa mga tao. Kung sinasabi Kong gagawin Ko ang isang bagay ay tiyak na gagawin Ko ito. Umaasa Akong ang bawat isa sa inyo ay magiging isang taong sineseryoso ang mga salita Ko, at hindi ipinagpapalagay ang mga iyon na kathang-isip na agham. Ang nais Ko ay kongkretong pagkilos mula sa inyo, hindi ang inyong mga haka-haka. Sunod, dapat ninyong sagutin ang mga tanong Ko, na ang mga sumusunod:
1) Kung tunay kang isang tagapagserbisyo, makakapagserbisyo ka ba sa Akin nang matapat, nang walang anumang bahid ng pagpapabaya o pagiging negatibo?
2) Kung malaman mong hindi kita napahalagahan kailanman, makakayanan mo pa rin bang manatili at maglingkod sa Akin habambuhay?
3) Kung nananatili pa rin Akong masyadong malamig sa iyo bagama’t gumugol ka na ng matinding pagsisikap, makakaya mo bang magpatuloy na gumawa para sa Akin kahit hindi napapansin?
4) Kung, pagkatapos mong gumugol para sa Akin, hindi Ko tinutugunan ang ilan sa iyong mga hinihingi, masisiraan ka ba ng loob at madidismaya sa Akin, o magiging galit na galit pa at sisigaw pa ng pang-aabuso?
5) Kung palagi ka nang naging napakatapat, nang may malaking pagmamahal sa Akin, ngunit nagdurusa ka ng pagpapahirap ng sakit, ng kasalatan sa pinansiyal, at ng pang-iiwan ng iyong mga kaibigan at kamag-anak, o kung nagtitiis ka ng anumang iba pang mga kasawian sa buhay, magpapatuloy pa rin ba ang iyong katapatan at pagmamahal sa Akin?
6) Kung wala sa anumang naguni-guni mo sa puso mo ang tumutugma sa kung ano ang nagawa Ko, paano mo dapat tahakin ang landas mo sa hinaharap?
7) Kung hindi mo natatanggap ang alinman sa mga bagay na inasahan mong matanggap, makakapagpatuloy ka bang maging tagasunod Ko?
8) Kung hindi mo kailanman naunawaan ang layunin at kabuluhan ng gawain Ko, magiging isa ka bang mapagpasakop na taong hindi basta-basta gumagawa ng mga paghusga at mga kongklusyon?
9) Mapapahalagahan mo ba ang lahat ng salitang sinabi Ko at lahat ng gawaing ginawa Ko habang kasama Ko ang sangkatauhan?
10) Kaya mo bang maging matapat Kong tagasunod, nakahandang magdusa para sa Akin habambuhay, kahit na hindi ka tumatanggap ng anumang bagay?
11) Alang-alang sa Akin, kaya mo bang hindi magsaalang-alang, magplano, o maghanda para sa iyong landas ng pananatiling buhay sa hinaharap?
Kinakatawan ng mga tanong na ito ang Aking mga pangwakas na kinakailangan sa inyo, at inaasahan Kong lahat kayo ay makakatugon sa Akin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)
622. Ang nais Ko ay ang iyong katapatan at pagpapasakop ngayon, ang iyong pag-ibig at patotoo ngayon. Kahit na hindi mo pa alam sa sandaling ito kung ano ang patotoo o kung ano ang pag-ibig, dapat mong ibigay sa Akin ang iyong lahat-lahat, at ibigay sa Akin ang tanging kayamanan na mayroon ka: ang iyong katapatan at pagpapasakop. Dapat mong malaman na ang patotoo ng Aking paggapi kay Satanas ay nasa katapatan at pagpapasakop ng tao, gayundin ang patotoo sa Aking ganap na paglupig sa tao. Ang tungkulin ng iyong pananalig sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin lamang, at maging mapagpasakop hanggang sa huli. Bago Ko simulan ang susunod na hakbang ng Aking gawain, paano ka magpapatotoo sa Akin? Papaano ka magiging tapat at mapagpasakop sa Akin? Magpapakita ka ba ng debosyon sa iyong gampanin o basta ka na lang susuko? Mas nanaisin mo bang magpasakop sa bawat pagsasaayos Ko (maging ito man ay kamatayan o pagkawasak), o tumakas sa kalagitnaan upang maiwasan ang Aking pagkastigo? Kinakastigo kita upang ikaw ay magpatotoo sa Akin, at maging tapat at mapagpasakop sa Akin. Higit pa rito, ang pagkastigo sa kasalukuyan ay upang isakatuparan ang susunod na hakbang ng Aking gawain at upang pahintulutang sumulong nang walang hadlang ang gawain. Kaya itinatagubilin Ko sa iyo na maging matalino at huwag tratuhin ang iyong buhay o ang kahalagahan ng iyong pag-iral na parang walang kabuluhang buhangin. Malalaman mo bang tiyak kung ano ang darating na gawain Ko? Alam mo ba kung paano Ako gagawa sa mga darating na araw at kung paano maisasakatuparan ang Aking gawain? Dapat mong malaman ang kabuluhan ng iyong karanasan sa Aking gawain, at bukod pa rito, ang kabuluhan ng iyong pananalig sa Akin. Marami na Akong nagawa; paano Ako susuko sa kalagitnaan ayon sa iyong palagay? Malawak na ang gawaing nagampanan Ko; paano Ko iyon mawawasak? Sa katunayan, naparito Ako upang wakasan ang kapanahunang ito. Ito ay totoo, ngunit higit pa rito, dapat mong malaman na magsisimula Ako ng isang bagong kapanahunan, upang magsimula ng bagong gawain, at, higit sa lahat, upang palaganapin ang ebanghelyo ng kaharian. Kaya dapat mong malaman na ang gawain ngayon ay para lamang simulan ang isang kapanahunan, at upang ilatag ang pundasyon para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa panahong darating at sa pagwawakas sa kapanahunan sa hinaharap. Ang Aking gawain ay hindi kasingsimple ng iniisip mo, hindi rin ito kasing walang halaga o walang kahulugan gaya ng pinaniniwalaan mo. Samakatwid, dapat Ko pa ring sabihin sa iyo: Dapat mong ibigay ang iyong buhay sa Aking gawain, at bukod dito, dapat mong italaga ang iyong sarili sa Aking kaluwalhatian. Matagal Ko nang hinahangad na magpatotoo ka sa Akin, at higit Kong hinahangad na palaganapin mo ang Aking ebanghelyo. Dapat mong maunawaan kung ano ang nasa Aking puso.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananalig?