M. Tungkol sa Paano Maiwaksi ang Impluwensya ni Satanas at Makamit ang Kaligtasan
488. Naiwala ng sangkatauhan ang puso nilang may takot sa Diyos gayundin ang tungkuling nasa pananagutan ng mga nilalang ng Diyos matapos gawing tiwali ni Satanas, kaya’t naging isang kaaway na masuwayin sa Diyos. Namuhay pagkaraan ang sangkatauhan sa ilalim ng nasasakupan ni Satanas at sinunod ang mga utos ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi nagawang pagwagian ang kanilang natatakot na pagpipitagan. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit totoong tinalikuran nila Siya at sa halip ay sumamba kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanilang mga puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng katayuan sa kanilang mga puso, na ang ibig sabihin ay nawalan Siya ng kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Samakatuwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan, dapat Niyang maipanumbalik ang una nilang wangis at tanggalan ang sangkatauhan ng kanilang tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang mga tao mula kay Satanas, dapat Niyang iligtas sila mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan Niya unti-unting maipanunumbalik ang una nilang wangis at tungkulin, at sa wakas, ay mapanunumbalik ang kaharian Niya. Ang pangwakas na pagwasak ng yaong mga anak ng pagsuway ay isasakatuparan din upang tulutan ang mga tao na higit na mahusay na sambahin ang Diyos at mamuhay sa lupa nang higit na maayos. Sapagkat nilikha ng Diyos ang mga tao, gagawin Niyang sambahin Siya nila; sapagkat ninanais Niyang maipanumbalik ang unang tungkulin ng sangkatauhan, ganap Niya itong ipapanumbalik, at nang walang pagbabawas ng bisa. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagpapasamba at pagpapasakop sa Kanya ng mga tao; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang dahil sa Kanya at magdulot na mapahamak ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na sasanhiin ng Diyos na maipamalagi sa mga tao ang lahat-lahat ng tungkol sa Kanya nang walang pagtutol mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sasamba sa Kanya, yaong ganap na magpapasakop sa Kanya at magpapakita ng luwalhati Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ng kaharian Niya. Kung hindi wawasakin ng Diyos yaong mga kaaway na masuwayin sa Kanya, hindi Niya magagawang matamo ang ganap Niyang luwalhati, o hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang mga ito ang magiging mga pananda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng mga dakilang katuparan Niya: upang lubos na wasakin yaong mga kabilang sa sangkatauhan na masuwayin sa Kanya, at upang dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
489. Ang pinakaunang sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos, ngunit dahil sa panunukso at pagtiwali ni Satanas, ang tao ay naigapos ni Satanas at nahulog sa mga kamay ng masama. Kaya, si Satanas ay naging ang layon na tatalunin sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sapagkat ang tao ay inangkin ni Satanas, at dahil ang tao ang puhunan na ginagamit ng Diyos upang isakatuparan ang buong pamamahala, kung ililigtas ang tao, kung gayon ay kailangang maagaw siya mula sa mga kamay ni Satanas, ibig sabihin na ang tao ay kailangang mabawi pagkatapos ng pagkabihag ni Satanas. Sa gayon, kailangang matalo si Satanas sa pamamagitan ng mga pagbabago sa dating disposisyon ng tao, mga pagbabagong magpapanumbalik sa orihinal na katinuan at katwiran ng tao. Sa ganitong paraan, ang tao, na nabihag, ay maaagaw pang muli mula sa mga kamay ni Satanas. Kung napapalaya ang tao mula sa impluwensya at pagkagapos ni Satanas, sa gayon ay mapapahiya si Satanas, ang tao sa kahuli-hulihan ay mababawi, at si Satanas ay magagapi. At dahil ang tao ay napalaya mula sa madilim na impluwensya ni Satanas, ang tao ang magiging samsam ng kabuoang labanang ito, at si Satanas ay magiging ang layon na parurusahan sa sandaling natapos ang labanan, kung saan pagkatapos nito ang kabuuang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay makukumpleto na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan
490. Ang lahat ng namumuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman ay yaong mga namumuhay sa gitna ng kamatayan, yaong mga inangkin ni Satanas. Kung hindi iniligtas, hinatulan, at kinastigo ng Diyos, hindi makakatakas ang mga tao sa impluwensya ng kamatayan; hindi sila maaaring maging ang mga buhay. Hindi maaaring magpatotoo sa Diyos ang “mga taong patay” na ito, at ni hindi rin sila maaaring gamitin ng Diyos, lalo nang hindi makakapasok sa kaharian. Nais ng Diyos ang patotoo ng mga buhay, hindi ng mga patay, at hinihiling Niya na ang mga buhay, hindi ang mga patay, ang gumawa para sa Kanya. “Ang mga patay” ay yaong mga sumasalungat at naghihimagsik laban sa Diyos; sila yaong mga manhid ang espiritu at hindi nauunawaan ang mga salita ng Diyos; sila yaong mga hindi isinasagawa ang katotohanan at wala ni katiting na katapatan sa Diyos, at sila yaong mga namumuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas at pinagsasamantalahan ni Satanas. Ipinapakita ng mga patay ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paninindigan laban sa katotohanan, paghihimagsik sa Diyos, at pagiging mababa, kasuklam-suklam, mapaghangad ng masama, malupit, mapanlinlang, at lihim na mapanira. Kahit na kinakain at iniinom ng ganitong mga tao ang mga salita ng Diyos, hindi nila kayang isabuhay ang mga salita ng Diyos; kahit na buhay sila, lumalakad at humihingang mga bangkay lamang sila. Lubos na walang kakayahang pasayahin ng mga patay ang Diyos, lalo na ang maging ganap na masunurin sa Kanya. Kaya lamang nilang linlangin Siya, lapastanganin Siya, at ipagkanulo Siya, at ang lahat ng inilalabas nila sa pamamaraan ng kanilang pamumuhay ay naghahayag ng kalikasan ni Satanas. Kung nais ng mga tao na maging buhay na mga nilalang at magpatotoo sa Diyos, at maging kanais-nais sa Diyos, dapat nilang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos; dapat silang malugod na magpasakop sa Kanyang paghatol at pagkastigo, at dapat nilang malugod na tanggapin ang pagtatabas at pakikitungo ng Diyos. Saka lamang nila maisasagawa ang lahat ng katotohanang hinihingi ng Diyos, at saka lamang nila makakamit ang pagliligtas ng Diyos at magiging tunay na buhay na mga nilalang. Inililigtas ng Diyos ang mga buhay; nahatulan at nakastigo na sila ng Diyos, handa silang italaga ang kanilang mga sarili at masayang ibigay ang kanilang mga buhay para sa Diyos, at malugod nilang ilalaan ang kanilang buong buhay sa Diyos. Tanging kapag nagpapatotoo lamang sa Diyos ang mga buhay saka mapapahiya si Satanas; tanging ang mga buhay lamang ang maaaring magpalaganap ng gawaing ebanghelyo ng Diyos, tanging ang mga buhay lamang ang kaayon ng puso ng Diyos, at tanging ang mga buhay lamang ang tunay na mga tao. Sa simula, ang taong nilikha ng Diyos ay buhay, ngunit dahil sa katiwalian ni Satanas, namumuhay ang tao sa gitna ng kamatayan, at namumuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, kaya nga, sa ganitong paraan, naging patay na walang espiritu ang mga tao, naging mga kaaway sila na sumasalungat sa Diyos, naging mga kasangkapan sila ni Satanas, at naging mga bihag sila ni Satanas. Naging patay na mga tao na ang lahat ng buhay na mga taong nilikha ng Diyos, kaya nawala sa Diyos ang Kanyang patotoo, at nawala sa Kanya ang sangkatauhang Kanyang nilikha na tanging nagtataglay ng Kanyang hininga. Kung babawiin ng Diyos ang Kanyang patotoo at babawiin yaong mga nilikha ng Kanyang sariling kamay subalit nabihag na ni Satanas, kailangan Niyang buhayin silang muli upang maging buhay na mga nilalang sila, at kailangan Niyang bawiin sila upang mamuhay sila sa Kanyang liwanag. Ang mga patay ay yaong mga walang espiritu, yaong mga sukdulang manhid at sumasalungat sa Diyos. Una sa lahat, sila yaong mga hindi nakakikilala sa Diyos. Wala ni katiting na intensyon ang mga taong ito na sumunod sa Diyos; naghihimagsik lamang sila laban sa Kanya at sinasalungat Siya, at wala kahit na katiting na katapatan. Ang mga buhay ay yaong mga isinilang muli ang mga espiritu, na alam sumunod sa Diyos, at mga tapat sa Diyos. Taglay nila ang katotohanan, at ang patotoo, at ang mga taong ito lamang ang nakalulugod sa Diyos sa Kanyang tahanan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ikaw Ba ay Isang Taong Nabuhay Na?
491. Ano ba ang impluwensya ng kadiliman? Ang tinatawag na “impluwensya ng kadiliman” ay ang impluwensya ng panlilinlang, katiwalian, paggapos, at pagkontrol ni Satanas sa mga tao; ang impluwensya ni Satanas ay isang impluwensyang nagbabadya ng kamatayan. Lahat ng nabubuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas ay tiyak na mamamatay.
Paano ka makakatakas mula sa impluwensya ng kadiliman pagkatapos mong magkaroon ng pananampalataya sa Diyos? Kapag nanalangin ka na nang taos sa Diyos, ibinabaling mo nang lubusan ang iyong puso sa Kanya, at sa puntong ito ay inaantig ng Espiritu ng Diyos ang puso mo. Nagiging handa kang ibigay sa Kanya nang lubusan ang iyong sarili, at sa sandaling ito, nakatakas ka na mula sa impluwensya ng kadiliman. Kung ang lahat ng ginagawa ng tao ay yaong nakalulugod sa Diyos at naaayon sa Kanyang mga hinihingi, siya ay isang taong namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos at sa ilalim ng Kanyang pangangalaga at proteksyon. Kung hindi maisagawa ng mga tao ang mga salita ng Diyos, kung lagi nilang tinatangkang lokohin Siya, kumikilos nang walang sigla ukol sa Kanya, at hindi naniniwala sa Kanyang pag-iral—lahat ng taong ito ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Ang mga taong hindi pa nakatanggap ng pagliligtas ng Diyos ay nabubuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas; ibig sabihin, lahat sila ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas. Kahit yaong mga naniniwala sa pag-iral ng Diyos ay maaaring hindi nabubuhay sa Kanyang liwanag, sapagkat yaong mga naniniwala sa Kanya ay maaaring hindi talaga namumuhay ayon sa Kanyang mga salita ni nagagawang magpasakop sa Diyos. Ang tao ay limitado sa pananalig sa Diyos, at dahil wala siyang alam tungkol sa Diyos, nabubuhay pa rin siya ayon sa mga lumang panuntunan, sa mga salitang walang katuturan, sa isang buhay na madilim at walang katiyakan, nang hindi lubos na napadalisay ng Diyos ni lubos Niyang naangkin. Samakatuwid, bagaman hindi na kailangang sabihin pa na yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, kahit yaong mga naniniwala sa Diyos ay maaaring nasa ilalim pa rin ng impluwensya nito, sapagkat wala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Yaong mga hindi pa nakatanggap ng biyaya o awa ng Diyos at yaong mga hindi makakita sa gawain ng Banal na Espiritu ay nabubuhay na lahat sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman; at karaniwan, gayon din ang mga taong nagtatamasa lamang ng biyaya ng Diyos subalit hindi Siya nakikilala. Kung ang isang tao ay naniniwala sa Diyos subalit ginugugol ang halos buong buhay niya sa pamumuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, ang pag-iral ng taong ito ay nawalan na ng kabuluhan—at bakit pa babanggitin ang mga taong hindi naniniwala na mayroong Diyos?
Lahat niyaong hindi matanggap ang gawain ng Diyos, o tinatanggap ang gawain ng Diyos ngunit hindi makatugon sa Kanyang mga hinihiling, ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Yaon lamang mga naghahangad na matamo ang katotohanan at kayang tumugon sa mga hinihiling ng Diyos ang tatanggap ng mga pagpapala mula sa Kanya, at sila lamang ang tatakas mula sa impluwensya ng kadiliman. Yaong mga hindi napalaya, na laging kontrolado ng ilang bagay, at hindi magawang ibigay ang kanilang puso sa Diyos ay mga taong nasa ilalim ng pagkaalipin kay Satanas na nabubuhay na may nagbabadyang kamatayan. Yaong mga hindi tapat sa kanilang sariling mga tungkulin, hindi tapat sa tagubilin ng Diyos, at hindi nagagampanan ang kanilang mga tungkulin sa iglesia ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Yaong mga sadyang gumagambala sa buhay-iglesia, na sadyang nagpapasimula ng alitan sa pagitan ng kanilang mga kapatid, o bumubuo ng maliliit na grupo ay mga taong nabubuhay sa mas malalim na impluwensya ng kadiliman, sa pagkaalipin kay Satanas. Yaong mga hindi normal ang kaugnayan sa Diyos, na laging may maluluhong pagnanasa, na laging nais na manamantala, at hindi kailanman naghahangad na baguhin ang kanilang mga disposisyon ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Yaong mga laging walang-ingat at hindi seryoso sa kanilang pagsasagawa ng katotohanan, at hindi naghahangad na tugunan ang kalooban ng Diyos, sa halip ay naghahangad lamang na bigyang kasiyahan ang sarili nilang laman, ay mga tao ring nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, na nalalambungan ng kamatayan. Yaong mga gumagawa ng kabuktutan at panlilinlang kapag gumagawa para sa Diyos, na padalus-dalos sa pakikitungo sa Diyos, na dinadaya ang Diyos, at laging nagpaplano para sa kanilang sarili ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Lahat niyaong hindi kayang taos-pusong magmahal sa Diyos, na hindi naghahangad na matamo ang katotohanan, at hindi tumutuon sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tumakas mula sa Impluwensya ng Kadiliman, at Kakamtin Ka ng Diyos
492. Ang tao ay nabubuhay sa gitna ng laman, na nangangahulugang nabubuhay siya sa isang pantaong impiyerno, at kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang tao ay kasingdumi ni Satanas. Paano magiging banal ang tao? Naniwala si Pedro na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ang pinakamabuting proteksiyon at pinakadakilang biyaya sa tao. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol ng Diyos magigising ang tao at kapopootan ang laman, kamumuhian si Satanas. Ang mahigpit na pagdisiplina ng Diyos ay nagpapalaya sa tao mula sa impluwensya ni Satanas, nagpapalaya sa kanya mula sa kanyang sariling maliit na mundo, at nagtutulot sa kanyang mamuhay sa liwanag ng presensya ng Diyos. Wala nang higit na mabuting pagliligtas kaysa sa pagkastigo at paghatol! Nanalangin si Pedro, “O Diyos! Hangga’t kinakastigo Mo at hinahatulan ako, malalaman ko na hindi Mo ako iniwan. Kahit na hindi Mo ako binibigyan ng kagalakan o kapayapaan, at ginagawa akong mamuhay nang may pagdurusa, at pinagpapasan ako ng hindi-mabilang na mga pagtutuwid, hangga’t hindi Mo ako iniiwan, ang puso ko ay magiging panatag. Ngayon, ang Iyong pagkastigo at paghatol ay naging pinakamabuting proteksiyon ko at pinakadakilang pagpapala. Ang ibinibigay Mong biyaya sa akin ay nag-iingat sa akin. Ang biyaya na Iyong ipinagkakaloob sa akin ngayon ay pagpapahayag ng Iyong matuwid na disposisyon, at pagkastigo at paghatol; bukod diyan, ito ay isang pagsubok, at, higit pa riyan, ito ay isang buhay ng pagdurusa.” Nakayang isantabi ni Pedro ang mga kasiyahan ng laman at hanapin ang isang mas malalim na pag-ibig at higit na pag-iingat, dahil marami siyang nakamtang biyaya mula sa pagkastigo at paghatol ng Diyos. Sa kanyang buhay, kung nais ng tao na malinis at makamtan ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung nais niya na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang, kung gayon dapat niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at hindi dapat hayaan ang pagdisiplina ng Diyos at pagpalo ng Diyos na lumisan mula sa kanya, upang maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa pagmamanipula at impluwensya ni Satanas, at mamuhay sa liwanag ng Diyos. Kilalanin mo na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at na walang higit na mabuting pagpapala, biyaya o pag-iingat para sa tao. Ang tao ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, at umiiral sa laman; kung hindi siya nalilinis at hindi nakatatanggap ng pag-iingat ng Diyos, kung gayon ang tao ay lalo kailanmang magiging higit na masama. Kung nais niyang ibigin ang Diyos, kung gayon dapat siyang malinis at maligtas. Nanalangin si Pedro, “Diyos ko, kapag pinakikitunguhan Mo ako nang may-kabaitan ako ay nalulugod, at nagiginhawahan; kapag kinakastigo Mo ako, nakadarama ako ng higit pang kaginhawahan at kagalakan. Bagaman ako ay mahina, at nagbabata ng di-mabigkas na pagdurusa, bagaman mayroong mga luha at kalungkutan, batid Mo na ang kalungkutang ito ay dahil sa aking pagkamasuwayin, at dahil sa aking kahinaan. Tumatangis ako dahil hindi ko natutugunan ang Iyong mga ninanasa, nalulungkot ako at nanghihinayang dahil hindi ako sapat para sa Iyong mga kailangan, ngunit handa akong abutin ang kinasasaklawang ito, handa akong gawin ang lahat ng kaya ko upang Ikaw ay aking mapasaya. Ang Iyong pagkastigo ay nagdulot sa akin ng pag-iingat, at nakapagbigay sa akin ng pinakamabuting kaligtasan; ang Iyong paghatol ay nagkukubli ng Iyong pagpaparaya at pagtitiis. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol, hindi ko matatamasa ang Iyong awa at kagandahang-loob. Ngayon, lalo kong nakikita na ang Iyong pag-ibig ay nakalampas sa mga kalangitan at hinigitan ang lahat ng iba pang bagay. Ang Iyong pag-ibig ay hindi lamang awa at kagandahang-loob; higit pa riyan, ito ay pagkastigo at paghatol. Ang Iyong pagkastigo at paghatol ay nagbigay ng napakarami sa akin. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol, walang isa mang taong malilinis, at walang isa mang taong makararanas ng pag-ibig ng Lumikha. Bagaman nakapagtiis ako ng daan-daang mga pagsubok at kapighatian, at nakaranas pang mabingit sa kamatayan, natulutan ako ng mga ito na tunay Kang makilala at magtamo ng pinakamataas na kaligtasan. Kung ang Iyong pagkastigo, paghatol at pagdisiplina ay lilisan mula sa akin, kung gayon ay mabubuhay ako sa kadiliman, sa ilalim ng sakop ni Satanas. Ano nga ba ang mga pakinabang ng laman ng tao? Kung ang Iyong pagkastigo at paghatol ay aalis sa akin, ito ay waring ang Iyong Espiritu ay nagtakwil sa akin, na waring Ikaw ay hindi ko na kasama. Kung magkagayon nga, paano ako magpapatuloy na mabuhay? Kung binibigyan Mo ako ng karamdaman, at kukunin ang aking kalayaan, maaari pa rin akong patuloy na mabuhay, ngunit kung sakaling lilisanin ako ng Iyong pagkastigo at paghatol, mawawalan na ako ng daan upang patuloy na mabuhay. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol sa akin, mawawala na sa akin ang Iyong pag-ibig, isang pag-ibig na lubhang malalim upang aking masabi. Kung wala ang Iyong pag-ibig, ako ay mabubuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, at hindi na makikita ang Iyong maluwalhating mukha. Paano ako makakapagpatuloy na mabuhay? Ang gayong kadiliman, ang gayong buhay, ay hindi ko kayang mabata. Ang makasama Kita ay tulad ng namamasdan Kita, kaya paano Kita maiiwan? Nagmamakaawa ako sa Iyo, nakikiusap ako sa Iyo na huwag kunin ang aking pinakadakilang kaaliwan mula sa akin, kahit na ito ay ilang salita lamang na nagbibigay-katiyakan. Natamasa ko ang Iyong pag-ibig, at ngayon ay hindi ko kayang malayo sa Iyo; paano na hindi Kita maiibig? Marami akong itinangis na mga luha ng kalungkutan dahil sa Iyong pag-ibig, subali’t lagi kong nararamdaman na ang isang buhay na gaya nito ay higit na makahulugan, higit akong napagyayaman, higit akong nababago, at higit akong tinutulutang makamit ang katotohanang taglay dapat ng mga nilalang.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
493. Ang laman ng tao ay kay Satanas, ito ay puno ng mga masuwaying disposisyon, nakakahiya ang karumihan nito, at ito ay isang bagay na hindi malinis. Masyadong nag-iimbot ang mga tao sa kasiyahan ng laman at napakaraming pagpapakita ng laman; ito ang dahilan kaya medyo kinasusuklaman ng Diyos ang laman ng tao. Kapag itinakwil ng mga tao ang marumi at tiwaling mga bagay ni Satanas, nakakamit nila ang pagliligtas ng Diyos. Ngunit kung hindi pa rin nila inaalis sa kanilang sarili ang karumihan at katiwalian, nabubuhay pa rin sila sa ilalim ng sakop ni Satanas. Ang pakikipagsabwatan, panlilinlang, at kabuktutan ng mga tao ay pawang mga bagay ni Satanas. Ang pagliligtas sa iyo ng Diyos ay upang palayain ka mula sa mga bagay na ito ni Satanas. Ang gawain ng Diyos ay hindi maaaring magkamali; lahat ay ginagawa upang iligtas ang mga tao mula sa kadiliman. Kung medyo naniwala ka na at magagawa mong alisin sa iyong sarili ang katiwalian ng laman, at hindi na nababalot ng katiwaliang ito, hindi ba naligtas ka na? Kung nabubuhay ka sa ilalim ng sakop ni Satanas wala kang kakayahang maipahayag ang Diyos, ikaw ay marumi, at hindi mo matatanggap ang pamana ng Diyos. Kapag nalinis at nagawa ka nang perpekto, ikaw ay magiging banal, magiging isa kang normal na tao, at pagpapalain ka ng Diyos at magiging kalugud-lugod ka sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 2
494. Ang buong buhay ng tao ay nasa ilalim ng sakop ni Satanas, at wala ni isang tao ang kayang mag-isang palayain ang kanyang sarili mula sa impluwensiya ni Satanas. Lahat ay nabubuhay sa isang maruming sanlibutan, sa katiwalian at kahungkagan, wala ni katiting mang kahulugan o kahalagahan, namumuhay sila ng gayong walang-pananagutang buhay para sa laman, para sa pagnanasa, at para kay Satanas. Walang kahit katiting mang halaga sa kanilang pag-iral. Hindi kaya ng tao na hanapin ang katotohanang magpapalaya sa kanya mula sa impluwensya ni Satanas. Kahit na naniniwala ang tao sa Diyos at nagbabasa ng Biblia, hindi niya nauunawaan kung paano siya makalalaya mula sa pagpipigil ng impluwensya ni Satanas. Sa mga nakalipas na mga kapanahunan, iilang tao lang ang nakatuklas ng lihim na ito, iilan lang ang nakaunawa rito. Sa gayon, bagaman kinamumuhian ng tao si Satanas, at kinamumuhian ang laman, hindi niya alam kung paano alisin sa sarili niya ang bumibitag na impluwensya ni Satanas. Ngayon, hindi ba’t nasa ilalim pa rin kayo ng sakop ni Satanas? Hindi ninyo pinagsisisihan ang inyong mga ginawang pagsuway, at lalong hindi ninyo nararamdaman na kayo ay marumi at hindi masunurin. Pagkatapos na salungatin ang Diyos, mayroon pa rin kayong kapayapaan ng isipan at nakadarama ng lubhang katahimikan. Ang katahimikan mo ba ay hindi dahil sa ikaw ay tiwali? Ang kapayapaan bang ito ng iyong isipan ay hindi nagbubuhat sa iyong pagkamasuwayin? Ang tao ay nabubuhay sa isang pantaong impiyerno, nabubuhay siya sa madilim na impluwensya ni Satanas; sa buong lupa, ang mga multo ay naninirahan kasama ng tao, nanghihimasok sa laman ng tao. Sa lupa, hindi ka nabubuhay sa isang magandang paraiso. Ang dako na kinaroroonan mo ay ang kinasasaklawan ng diyablo, isang pantaong impiyerno, isang daigdig ng mga patay. Kung ang tao ay hindi nalilinis, siya ay sa karumihan; kung hindi siya iniingatan at kinakalinga ng Diyos, kung gayon siya ay nananatili pang bihag ni Satanas; kung hindi siya hinahatulan at kinakastigo, kung gayon hindi siya magkakaroon ng daan upang makalaya sa pang-aalipin ng madilim na impluwensya ni Satanas. Ang tiwaling disposisyon na iyong ipinakikita at masuwaying pag-uugali na iyong isinasabuhay ay sapat upang patunayang ikaw ay namumuhay pa rin sa ilalim ng sakop ni Satanas. Kung ang iyong isipan at mga iniisip ay hindi nalinis, at ang iyong disposisyon ay hindi pa nahatulan at nakastigo, kung gayon ang iyong kabuuan ay pigil pa rin ng sakop ni Satanas, ang iyong isipan ay pigil ni Satanas, ang iyong mga iniisip ay pinaiikot ni Satanas, at ang lahat sa iyo ay kontrolado ng mga kamay ni Satanas. Alam mo ba kung gaano ka pa kalayo, ngayon, mula sa mga pamantayan ni Pedro? Taglay mo ba ang kakayahang iyon? Gaano karami ang iyong nalalaman sa pagkastigo at paghatol sa ngayon? Gaano karami ang iyong taglay sa mga naging kaalaman ni Pedro? Kung, sa ngayon, ay hindi mo kayang malaman, maaari mo bang matamo ang kaalamang ito sa hinaharap? Ang isang tamad at duwag na gaya mo ay hindi talaga kayang malaman ang pagkastigo at paghatol. Kung iyong hahabulin ang kapayapaan ng laman, at ang mga kasiyahan ng laman, kung gayon hindi ka magkakaroon ng daan upang malinis, at sa katapusan ay ibabalik ka kay Satanas, sapagkat ang iyong isinasabuhay ay si Satanas, at ito ang laman. Sa katayuan ng mga bagay-bagay ngayon, maraming tao ang hindi hinahangad ang buhay, ibig sabihin ay hindi nila inaalintana ang pagiging nalinis, o tungkol sa pagpasok sa mas malalim na karanasan sa buhay. Kung gayon ay paano sila magagawang perpekto? Yaong mga hindi hinahangad ang buhay ay walang pagkakataong magawang perpekto, at yaong mga hindi naghahabol ng kaalaman sa Diyos, hindi nagsisikap na magtamo ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon, ay hindi kayang makatakas mula sa madilim na impluwensya ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
495. Lahat niyaong naniniwala sa Diyos, subalit hindi naghahangad na matamo ang katotohanan, ay walang paraan upang makatakas mula sa impluwensya ni Satanas. Lahat niyaong hindi nabubuhay nang may katapatan, na maganda ang asal sa harap ng iba ngunit iba ang asal pagtalikod nila, na nagpapakita ng pagpapakumbaba, pasensya, at pagmamahal bagama’t ang diwa nila ay mapanira, tuso, at hindi tapat sa Diyos—ang gayong mga tao ay tipikal na mga kinatawan niyaong mga nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman; sila ang mga kauri ng ahas. Yaong mga naniniwala lamang sa Diyos para sa sarili nilang pakinabang, mapagmagaling at mayabang, mapagpasikat, at pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan ay mga taong nagmamahal kay Satanas at kumokontra sa katotohanan. Ang mga taong ito ay lumalaban sa Diyos at lubos na nabibilang kay Satanas. Yaong mga hindi pumapansin sa mga pasanin ng Diyos, na hindi naglilingkod sa Diyos nang buong-puso, na laging inaalala ang sarili nilang mga interes at ang interes ng kanilang pamilya, na hindi magawang iwanan ang lahat upang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at na hindi kailanman namumuhay ayon sa Kanyang mga salita ay mga taong hindi sakop ng Kanyang mga salita. Ang ganitong mga tao ay hindi maaaring tumanggap ng papuri ng Diyos.
Nang likhain ng Diyos ang mga tao, ito ay upang matamasa nila ang Kanyang kasaganaan at tunay Siyang mahalin; sa ganitong paraan, mabubuhay ang mga tao sa Kanyang liwanag. Ngayon, tungkol naman sa lahat niyaong hindi kayang mahalin ang Diyos, hindi pinapansin ang Kanyang mga pasanin, hindi magawang ibigay nang lubusan ang kanilang puso sa Kanya, hindi magawang umayon sa Kanyang puso, at hindi kayang dalhin na parang kanila ang Kanyang mga pasanin—ang liwanag ng Diyos ay hindi sumisikat sa gayong mga tao, samakatuwid ay nabubuhay silang lahat sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Sila ay nasa landas na lubhang salungat sa kalooban ng Diyos, at walang bahid ng katotohanan ang anumang kanilang ginagawa. Nakalublob sila sa burak na kasama ni Satanas; sila ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Kung madalas kang makakakain at makakainom ng mga salita ng Diyos at makakasunod sa Kanyang kalooban at maisasagawa ang Kanyang mga salita, nabibilang ka sa Diyos, at ikaw ay isang taong namumuhay ayon sa Kanyang mga salita. Handa ka bang tumakas mula sa sakop ni Satanas at mabuhay sa liwanag ng Diyos? Kung namumuhay ka ayon sa mga salita ng Diyos, magkakaroon ng pagkakataon ang Banal na Espiritu na gampanan ang Kanyang gawain; kung nabubuhay ka sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, hindi mo mabibigyan ng gayong pagkakataon ang Banal na Espiritu. Ang gawaing ginagampanan ng Banal na Espiritu sa mga tao, ang liwanag na Kanyang pinasisikat sa kanila, ang tiwalang ibinibigay Niya sa kanila ay tumatagal lamang nang isang saglit; kung ang mga tao ay hindi maingat at hindi nag-uukol ng pansin, lalampasan sila ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung namumuhay ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, sasakanila ang Banal na Espiritu at gagawaan sila. Kung ang mga tao ay hindi namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, nabubuhay sila sa mga gapos ni Satanas. Kung nabubuhay ang mga tao na may mga tiwaling disposisyon, wala sa kanila ang presensya o gawain ng Banal na Espiritu. Kung namumuhay ka ayon sa mga salita ng Diyos, at kung nabubuhay ka sa kalagayang hinihingi ng Diyos, nabibilang ka sa Kanya, at gagawaan ka Niya; kung hindi ka namumuhay ayon sa mga hinihingi ng Diyos, kundi sa halip ay nabubuhay ka sa ilalim ng sakop ni Satanas, tiyak na namumuhay ka ayon sa katiwalian ni Satanas. Kapag namuhay ka ayon sa mga salita ng Diyos at ibinigay mo ang iyong puso sa Kanya, saka mo lamang matutugunan ang Kanyang mga hinihingi; kailangan mong gawin ang sinasabi ng Diyos, gawing pundasyon ng iyong pag-iral at realidad ng iyong buhay ang Kanyang mga pahayag; saka ka lamang mapapabilang sa Diyos. Kung talagang namumuhay ka alinsunod sa kalooban ng Diyos, gagawaan ka ng Diyos at sa gayon ay mabubuhay ka sa ilalim ng Kanyang mga pagpapala, sa liwanag ng Kanyang mukha; mauunawaan mo ang gawaing ginagampanan ng Banal na Espiritu at madarama ang kagalakan ng presensya ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tumakas mula sa Impluwensya ng Kadiliman, at Kakamtin Ka ng Diyos
496. Para matakasan ang impluwensya ng kadiliman, kailangan ka munang maging matapat sa Diyos at magkaroon ng pananabik sa puso mo na hangaring matamo ang katotohanan; saka ka lamang magkakaroon ng tamang kalagayan. Kailangan ka munang mamuhay sa tamang kalagayan para matakasan mo ang impluwensya ng kadiliman. Ang hindi pagkakaroon ng tamang kalagayan ay hindi pagiging matapat sa Diyos, at hindi pagkakaroon ng pananabik sa puso na hanapin ang katotohanan; at huwag nang pag-usapan pa ang pagtakas mula sa impluwensya ng kadiliman. Ang Aking mga salita ang batayan ng pagtakas ng tao mula sa mga impluwensya ng kadiliman, at ang mga taong hindi makapamuhay alinsunod sa Aking mga salita ay hindi magagawang takasan ang mga gapos ng impluwensya ng kadiliman. Ang mabuhay sa tamang kalagayan ay ang mabuhay sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, ang mabuhay sa kalagayan ng pagiging matapat sa Diyos, ang mabuhay sa kalagayan ng paghahanap sa katotohanan, ang mabuhay sa realidad ng taos na paggugol ng sarili para sa Diyos, at ang mabuhay sa kalagayan ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Yaong mga nabubuhay sa ganitong mga kalagayan at ayon sa realidad na ito ay unti-unting magbabago habang pumapasok sila sa kailaliman ng katotohanan, at magbabago sila habang mas lumalalim ang gawain; at sa huli, tiyak na magiging mga tao sila na nakamit ng Diyos at nagmamahal sa Diyos nang tunay. Yaong mga nakatakas mula sa impluwensya ng kadiliman ay unti-unting matitiyak ang kalooban ng Diyos at unti-unting mauunawaan iyon, at kalaunan ay magiging mga pinagkakatiwalaan ng Diyos. Hindi lamang sila hindi nagkikimkim ng mga maling kuru-kuro tungkol sa Diyos at hindi naghihimagsik laban sa Kanya, kundi mas lalo rin nilang kinamumuhian yaong mga dati nilang kuru-kuro at paghihimagsik, at nagkakaroon sila ng tunay na pagmamahal sa Diyos sa kanilang puso. Ang mga taong hindi magawang tumakas mula sa impluwensya ng kadiliman ay pawang lubos na abala sa tawag ng laman at puno ng paghihimagsik; ang kanilang puso ay puno ng mga kuru-kuro at pilosopiya ng tao para sa pamumuhay, pati na ng kanilang sariling mga hangarin at pangangatwiran. Ang hinihingi ng Diyos sa tao ay ang tanging pagmamahal nila; hinihiling Niya na maging abala ang tao sa Kanyang mga salita at magkaroon ng pusong puno ng pagmamahal para sa Kanya. Ang mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, saliksikin ang Kanyang mga salita para sa yaong dapat nilang hanapin, mahalin ang Diyos dahil sa Kanyang mga salita, kumilos para sa Kanyang mga salita, mabuhay para sa Kanyang mga salita—ito ang mga mithiing dapat pagsikapang makamtan ng tao. Lahat ay kailangang maitatag sa mga salita ng Diyos; saka lamang magagawang tugunan ng tao ang mga hinihingi ng Diyos. Kung ang tao ay hindi nasasangkapan ng mga salita ng Diyos, isa lamang siyang uod na nalulukuban ni Satanas! Timbangin mo ito: Gaano karaming salita ng Diyos ang nag-ugat na sa iyong kalooban? Aling mga bagay ang ipinamumuhay mo alinsunod sa Kanyang mga salita? Aling mga bagay ang hindi mo naipamumuhay alinsunod sa mga ito? Kung hindi ka pa lubos na napuno ng mga salita ng Diyos, ano ba talaga ang laman ng iyong puso? Sa iyong pang-araw-araw na buhay, kinokontrol ka ba ni Satanas, o puno ka ba ng mga salita ng Diyos? Ang Kanya bang mga salita ang pundasyon ng iyong mga dalangin? Nakalabas ka na ba mula sa iyong negatibong kalagayan sa tulong ng kaliwanagang dulot ng mga salita ng Diyos? Ang gawing pundasyon ng iyong buhay ang mga salita ng Diyos—ito ang dapat pasukin ng lahat. Kung wala ang Kanyang mga salita sa iyong buhay, nabubuhay ka sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, naghihimagsik ka laban sa Diyos, nilalabanan mo Siya, at inilalagay mo sa kahihiyan ang Kanyang pangalan. Ang paniniwala sa Diyos ng gayong mga tao ay puro kalokohan at panggugulo lamang. Gaano kalaking bahagi ng iyong buhay ang naipamuhay mo alinsunod sa Kanyang mga salita? Gaano kalaking bahagi ng iyong buhay ang hindi mo naipamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita? Gaano kalaking bahagi ng hinihingi sa iyo ng salita ng Diyos ang natupad na sa iyo? Gaano kalaki ang nawala sa iyo? Nasuri mo na ba nang husto ang mga bagay na ito?
Ang pagtakas mula sa impluwensya ng kadiliman ay nangangailangan ng gawain ng Banal na Espiritu at ng tapat na pakikipagtulungan ng tao. Bakit Ko sinasabi na wala sa tamang landas ang tao? Ang mga taong nasa tamang landas ay makakayang ibigay muna ang kanilang puso sa Diyos. Ito ay isang gawaing nangangailangan ng napakahabang panahon upang mapasok, sapagkat nakasanayan na ng sangkatauhan na mabuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, at nasa ilalim na ng pagkaalipin kay Satanas sa loob ng libu-libong taon. Samakatuwid, ang pagpasok na ito ay hindi magagawa sa loob lamang ng isa o dalawang araw. Binanggit Ko ang bagay na ito ngayon upang maunawaan ng mga tao ang sarili nilang kalagayan; sa sandaling mahiwatigan na ng tao kung ano ang impluwensya ng kadiliman at kung ano ang ibig sabihin ng mabuhay sa liwanag, magiging mas madali na ang pagpasok. Ito ay dahil kailangan mong malaman kung ano ang impluwensya ni Satanas bago ka makatakas mula rito; pagkatapos niyon, saka ka lamang magkakaroon ng paraan para maiwaksi iyon. Tungkol naman sa kung ano ang gagawin pagkatapos, problema na iyan ng tao. Pumasok ka sa lahat mula sa isang positibong aspeto, at huwag kang basta maghintay nang balintiyak. Sa ganitong paraan ka lamang makakamit ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tumakas mula sa Impluwensya ng Kadiliman, at Kakamtin Ka ng Diyos
497. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinakailangan, at may pambihirang kabuluhan, dahil ang lahat ng ginagawa Niya sa tao ay may kinalaman sa Kanyang pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Natural lamang na ang gawaing ginawa ng Diyos kay Job ay hindi naiiba, kahit na si Job ay perpekto at matuwid sa paningin ng Diyos. Sa madaling salita, kahit ano pa ang ginagawa ng Diyos o ang paraan na ginagamit Niya para gawin ito, kahit ano pa ang halaga, o ang Kanyang nilalayon, ang layunin ng Kanyang mga kilos ay hindi nagbabago. Ang Kanyang layunin ay upang ipasok sa tao ang mga salita ng Diyos, mga kinakailangan ng Diyos, at ang kalooban ng Diyos para sa tao, Sa madaling salita, ito ay upang ipasok sa tao ang lahat ng pinaniniwalaan ng Diyos na positibo alinsunod sa Kanyang mga hakbang, na nagbibigay sa tao ng pagkaunawa sa puso ng Diyos at pagkaintindi sa diwa ng Diyos, at nagpapahintulot sa kanya na sundin ang dakilang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at nang sa gayon ay magkaroon ng daan upang matamo ng tao ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan—ang lahat ng ito ay isang aspeto ng layunin ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ang isa pang aspeto ay, dahil si Satanas ang hambingan at nagsisilbing gamit-pangserbisyo sa gawain ng Diyos, ang tao ay madalas na ibinibigay kay Satanas; paraan ito na ginagamit ng Diyos upang makita ng mga tao ang kasamaan, kapangitan, at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas sa gitna ng mga pagtukso at pag-atake nito, na nagiging dahilan upang kamuhian ng mga tao si Satanas at magawang malaman at makilala ang mga bagay na negatibo. Ang prosesong ito ay nagbibigay-daan sa kanila upang unti-unti nilang mapalaya ang kanilang mga sarili mula sa pamamahala ni Satanas, at mula sa mga paratang, pakikialam, at pag-atake nito—hanggang, salamat sa mga salita ng Diyos, ang kanilang kaalaman at pagsunod sa Diyos, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos at takot sa Kanya, ay magdala sa kanila ng tagumpay laban sa mga pag-atake at paratang ni Satanas; doon lamang sila ganap na maiaadya mula sa nasasakupan ni Satanas. Ang paglaya ng mga tao ay nangangahulugan na si Satanas ay natalo, ito ay nangangahulugan na hindi na sila pagkain sa bibig ni Satanas—na sa halip na lunukin sila, pinakawalan sila ni Satanas. Ito ay sa kadahilanang ang mga taong ito ay matuwid, may pananampalataya, masunurin, at may takot sa Diyos, at dahil tuluyan silang kumakawala kay Satanas. Nagdadala sila ng kahihiyan kay Satanas, ginagawa nilang duwag si Satanas, at tuluyan nilang tinatalo si Satanas. Ang kanilang matibay na paniniwala sa pagsunod sa Diyos, at ang pagsunod at takot nila sa Diyos ang tumatalo kay Satanas, at nagiging dahilan kung bakit ganap silang isinusuko ni Satanas. Ang mga taong tulad nito lamang ang tunay na nakamtan ng Diyos, at ito ang tunay na layunin ng Diyos sa pagligtas sa tao. Kung nais nilang mailigtas, at nais nilang ganap na makamit ng Diyos, ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay dapat humarap sa mga maliliit at malalaking tukso at pag-atake na galing kay Satanas. Ang mga taong mangingibabaw sa mga tukso at pag-atake na ito at nagagawang ganap na talunin si Satanas ay ang mga nailigtas ng Diyos. Ibig sabihin, ang mga tao na nailigtas ng Diyos ay iyong mga sumailalim sa mga pagsubok ng Diyos, at ang mga tinukso at inatake ni Satanas nang hindi mabilang na pagkakataon. Nauunawaan ng mga taong nailigtas ng Diyos ang kalooban at mga hinihingi ng Diyos, at nagagawa nilang sumunod sa dakilang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi nila itinatakwil ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan sa gitna ng mga panunukso ni Satanas. Ang mga taong nailigtas ng Diyos ay nagtataglay ng katapatan, sila ay may mabubuting puso, napaghihiwalay nila ang pag-ibig at poot, may pagkakaunawa sila sa katarungan at sila ay makatuwiran, at nagagawa nilang pangalagaan ang Diyos at pahalagahan ang lahat ng sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay hindi naigagapos, namamanmanan, napararatangan, o naaabuso ni Satanas. Sila ay ganap na malaya, sila ay ganap na napalaya at napakawalan na. Si Job ay isang tao ng kalayaan, at ito ang tiyak na kahulugan kung bakit ipinasa siya ng Diyos kay Satanas.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
498. Ang pananampalataya, at pagkamasunurin ni Job, at ang kanyang patotoo sa pagtatagumpay laban kay Satanas ay mapagkukunan ng malaking tulong at lakas ng loob ng mga tao. Kay Job, sila ay nakakakita ng pag-asa para sa kanilang sariling kaligtasan, at nakita nila na sa pamamagitan ng pananampalataya, at pagsunod at takot sa Diyos, ganap na posibleng talunin si Satanas at manaig laban kay Satanas. Nakikita nila na hangga’t hindi sila tumututol sa dakilang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at taglay nila ang determinasyon at pananampalataya na hindi itakwil ang Diyos matapos na mawala sa kanila ang lahat, maaari silang magdala ng kahihiyan at pagkatalo kay Satanas, at kailangan lamang nilang taglayin ang determinasyon at tiyaga upang manindigan sa kanilang patotoo—kahit na ito ay nangangahulugan ng pagkawala ng kanilang mga buhay—upang maduwag at mabilisang sumuko si Satanas. Ang patotoo ni Job ay isang babala sa mga sumusunod na henerasyon, at ang babalang ito ay nagsasabi sa kanila na kung hindi nila tatalunin si Satanas, hindi nila kailanman magagawang makawala sa mga paratang at panghihimasok sa kanila ni Satanas, at hindi rin nila kailanman magagawang makatakas sa pang-aabuso at pag-atake ni Satanas. Ang patotoo ni Job ay nagbigay ng kaliwanagan sa mga sumunod na henerasyon. Itinuturo ng kaliwanagang ito sa mga tao na kung sila ay perpekto at matuwid, saka lamang nila magagawang magkaroon ng takot sa Diyos at lumayo sa kasamaan; itinuturo nito sa kanila na kapag sila ay may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, saka lamang nila makakayanang magkaroon ng malakas at tumataginting na patotoo sa Diyos; kapag sila ay may malakas at umuugong na patotoo sa Diyos, saka lamang sila kailanman hindi na mapamamahalaan ni Satanas, at sila ay mabubuhay sa ilalim ng paggabay at pag-iingat ng Diyos—at doon lamang sila tunay na nailigtas. Ang personalidad ni Job at ang ginagawa niya sa kanyang buhay ay dapat tularan ng lahat ng nagnanais ng kaligtasan. Ang kanyang isinabuhay sa kanyang buong buhay at ang kanyang asal sa panahon ng kanyang mga pagsubok ay isang mahalagang kayamanan para sa lahat ng sumusunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
499. Kapag ang mga tao ay ililigtas pa lamang, ang mga buhay nila ay madalas na pinanghihimasukan, at maaaring pinamamahalaan, ni Satanas. Sa madaling salita, ang mga tao na hindi pa naililigtas ay mga bilanggo ni Satanas, sila ay walang kalayaan, hindi pa sila binibitawan ni Satanas, sila ay hindi naaangkop at walang karapatan na sumamba sa Diyos, at sila ay labis na tinutugis at nilulusob nang matindi ni Satanas. Ang ganitong mga tao ay walang kaligayahan na masasabi, wala silang karapatan sa isang karaniwang buhay na masasabi, at higit pa rito, wala silang dangal na masasabi. Tanging kung ikaw ay maninindigan at makikipaglaban kay Satanas gamit ang iyong pananampalataya at pagsunod sa Diyos, at takot sa Diyos, bilang iyong mga sandata na gagamitin para sa isang buhay-at-kamatayan na pakikipaglaban kay Satanas, kung saan sukdulan mong matatalo si Satanas na magiging dahilan ng pag-urong ng buntot nito at pagiging duwag sa tuwing makikita ka, upang tuluyan na nitong itigil ang mga paglusob at paratang laban sa iyo—saka ka lang maililigtas at magiging malaya. Kung ikaw ay determinadong lumaya nang lubusan mula kay Satanas, ngunit wala kang mga sandatang tutulong sa iyo upang talunin si Satanas, ikaw ay manganganib pa rin; at sa paglipas ng panahon, kapag ikaw ay lubhang napahirapan na ni Satanas na wala nang natitirang lakas sa iyo, ngunit hindi mo pa rin magawang magpatotoo, hindi pa rin tuluyang napapalaya ang iyong sarili sa mga paratang at paglusob ni Satanas laban sa iyo, magiging maliit lamang ang pag-asa na maililigtas ka. Sa huli, kapag ipinapahayag na ang konklusyon ng gawain ng Diyos, nasa mahigpit na pagkakahawak ka pa rin ni Satanas, kung saan hindi mo magawang palayain ang iyong sarili, at dahil dito hindi ka na kailanman magkakaroon ng pagkakataon o pag-asa. Kung gayon, ang ipinapahiwatig nito ay magiging ganap na mga bihag ni Satanas ang ganitong mga tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
500. Sa panahon ng gawain ng Kanyang walang hanggang pagtutustos at suporta sa tao, sinasabi ng Diyos ang kabuuan ng Kanyang kalooban at mga hinihingi sa tao, at ipinakikita Niya ang Kanyang mga gawa, disposisyon, at kung anong mayroon Siya at kung ano Siya sa tao. Ang layunin ay upang maihanda ang tao sa pamamagitan ng tayog, at pahintulutan ang tao na makamit ang iba’t ibang katotohanan mula sa Diyos habang sumusunod sa Kanya—mga katotohanan na siyang mga sandatang ibinibigay ng Diyos sa tao upang labanan si Satanas. Kapag nabigyan na ng sandata, dapat harapin ng tao ang mga pagsubok ng Diyos. Ang Diyos ay maraming paraan at sistema para sa pagsubok ng tao ngunit bawat isa sa mga ito ay nangangailangan ng “kooperasyon” ng kaaway ng Diyos: Si Satanas. Ibig sabihin, matapos bigyan ang tao ng mga sandata upang labanan si Satanas, ibinibigay ng Diyos ang tao kay Satanas at hinahayaan si Satanas na “subukin” ang tayog ng tao. Kung makakalabas ang tao mula sa mga hanay ng pakikipaglaban ni Satanas, kung kaya niyang tumakas mula sa teritoryo ni Satanas at manatiling buhay, ang tao ay makakapasa sa pagsubok. Ngunit kung ang tao ay mabigong umalis sa mga hanay ng pakikipaglaban ni Satanas, at nagpasakop kay Satanas, hindi siya makakapasa sa pagsubok. Anumang aspeto ng tao ang sinusuri ng Diyos, ang mga pamantayan ng Kanyang pagsusuri ay kung magpapakatatag o hindi ang tao sa kanyang patotoo kapag inatake siya ni Satanas, at kung itatakwil niya o hindi ang Diyos at susuko at magpapasakop kay Satanas habang nasa bitag ni Satanas. Maaaring sabihin na ang pagkaligtas o hindi sa tao ay nakasalalay sa kung kaya niyang mapagtagumpayan at talunin si Satanas, at ang kakayanan niya na makamtan ang kanyang kalayaan ay nakasalalay sa kanyang kakayahang buhatin, nang mag-isa, ang mga sandatang ibinigay sa kanya ng Diyos upang mapagtagumpayan ang pagkakabihag ni Satanas, upang ganap na mawalan ng pag-asa si Satanas at iwan siyang mag-isa. Kung mawawalan ng pag-asa si Satanas at magpapalaya ng isang tao, ang ibig sabihin nito ay hinding-hindi na nito muling susubukan na kunin ang taong ito mula sa Diyos, hinding-hindi na muling pararatangan at gagambalain ang taong ito, hinding-hindi na sila muling pahihirapan nang walang-pakundangan o aatakihin; tanging ang ganitong tao lamang ang tunay na nakamit ng Diyos. Ito ang buong proseso kung paano nakakamit ng Diyos ang tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
501. Ngayon, maaari kang maghangad na magawang perpekto o maghangad ng mga pagbabago sa iyong panlabas na pagkatao at mapahusay ang iyong kakayahan, ngunit ang pinakamahalaga ay na nauunawaan mo na lahat ng ginagawa ngayon ng Diyos ay may kahulugan at kapaki-pakinabang: Ikaw na isinilang sa isang lupain ng karumihan ay nagkakaroon ng kakayahang makatakas sa karumihan at maipagpag ito, binibigyan ka nito ng kakayahang madaig ang impluwensya ni Satanas, at talikuran ang madilim na impluwensya ni Satanas. Sa pagtutuon sa mga bagay na ito, protektado ka sa lupaing ito ng karumihan. Sa huli, anong patotoo ang hihilinging ibigay mo? Ikaw ay isinilang sa isang lupain ng karumihan ngunit nagagawa mong maging banal, na hindi na muling mabahiran ng dumi kailanman, na mabuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas ngunit inaalis sa iyong sarili ang impluwensya ni Satanas, na hindi masapian ni maligalig ni Satanas, at mabuhay sa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat. Ito ang patotoo, at ang katibayan ng tagumpay sa pakikipaglaban kay Satanas. Nagagawa mong talikuran si Satanas, hindi ka na nagpapakita ng napakasasamang disposisyon sa iyong pagsasabuhay, kundi sa halip ay isinasabuhay mo yaong hinihiling ng Diyos na makamit ng tao nang likhain Niya ang tao: normal na pagkatao, normal na pakiramdam, normal na kabatiran, normal na matibay na pagpapasiyang mahalin ang Diyos, at katapatan sa Diyos. Ganyan ang patotoong ibinabahagi ng isang nilalang ng Diyos. Sabi mo, “Tayo ay isinilang sa isang lupain ng karumihan, ngunit dahil sa proteksyon ng Diyos, dahil sa Kanyang pamumuno, at dahil nalupig Niya tayo, naalis na natin sa ating sarili ang impluwensya ni Satanas. Nakakaya nating sumunod ngayon dahil sa epekto ng paglupig ng Diyos, at hindi dahil sa mabuti tayo, o dahil likas nating mahal ang Diyos. Iyon ay dahil hinirang tayo ng Diyos, at itinalaga tayo noon pa man, kaya tayo nalupig ngayon, nagagawa nating magpatotoo sa Kanya, at maglingkod sa Kanya; gayundin, ito ay dahil hinirang Niya tayo at pinrotektahan, kaya tayo naligtas at napalaya mula sa sakop ni Satanas, at maaari nating talikuran ang karumihan at mapadalisay sa bansa ng malaking pulang dragon.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 2
502. Ngayon, hindi mo pinaniniwalaan ang mga salitang Aking sinasabi, at hindi mo binibigyang-pansin ang mga iyon; kapag dumating na ang araw para ang gawaing ito ay lumaganap, at nakita mo ang kabuuan nito, magsisisi ka, at sa sandaling yaon ikaw ay matitigilan. Mayroong mga pagpapala, gayunman ay hindi mo alam kung paano magtamasa sa mga yaon, at naroon ang katotohanan, gayunman ay hindi mo ito hinahabol. Hindi ka ba nagdadala ng sumpa sa iyong sarili? Ngayon, bagaman magsisimula pa lamang ang susunod na hakbang sa gawain ng Diyos, walang anumang katangi-tangi tungkol sa mga hinihingi sa iyo at sa kung ano ang ipinasasabuhay sa iyo. Napakalaki ang gawain, at napakarami ang katotohanan; ang mga yaon ba ay hindi karapat-dapat na malaman mo? Hindi ba kayang gisingin ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ang iyong espiritu? Hindi ba kaya ng pagkastigo at paghatol ng Diyos na tulutan kang kamuhian ang iyong sarili? Sapat na ba sa iyo na mamuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, may kapayapaan at kagalakan, at kaunting makalamang kaginhawahan? Hindi ba’t ikaw ang pinakamababa sa lahat ng tao? Wala nang hihigit pa ang kamangmangan kaysa mga yaong nakakita sa kaligtasan ngunit hindi hinangad na makamit ito; sila ay mga taong nagpapakabusog sa laman at nasisiyahan kay Satanas. Umaasa ka na ang iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahabol ang mga bagay na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling matataas na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw nga ay walang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat niyaong hindi naghahabol sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay mga hayop? Ang mga patay ba na walang mga espiritu ay lumalakad na mga bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting trabaho lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t dahil ito sa iyong mga kaisipan na masyadong mataas? Hindi ba’t dahil ito sa ikaw ay napakahangal? Kung hindi mo kayang matamo ang mga pagpapalang ito, masisisi mo ba ang Diyos sa hindi pagliligtas sa iyo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
503. Gumagawa ang Diyos nang gayon kalawak at lubos na inililigtas ang grupong ito ng mga tao upang makatakas ka mula sa impluwensya ni Satanas, manirahan sa bayang banal, mabuhay sa liwanag ng Diyos, at mapamunuan at mapatnubayan ng liwanag. Kung gayon ay may kahulugan ang iyong buhay. Ang inyong kinakain at isinusuot ay kaiba sa mga hindi sumasampalataya; tinatamasa ninyo ang mga salita ng Diyos at nabubuhay nang makahulugan—at ano ang kanilang tinatamasa? Tinatamasa lamang nila ang “pamana ng kanilang mga ninuno” at ang kanilang “diwa ng bansa.” Wala sila ni katiting na bakas ng pagkatao! Lahat ng inyong damit, salita, at kilos ay naiiba sa kanila. Sa bandang huli, lubos ninyong matatakasan ang karumihan, hindi na kayo mabibitag sa tukso ni Satanas, at magtatamo kayo ng araw-araw na panustos ng Diyos. Dapat kayong maging maingat palagi. Bagama’t nabubuhay kayo sa isang maruming lugar, wala kayong bahid ng karumihan at maaaring mabuhay sa tabi ng Diyos, na tumatanggap ng Kanyang dakilang proteksyon. Hinirang kayo ng Diyos mula sa lahat lahat ng tao sa dilaw na lupaing ito. Hindi ba kayo ang pinakamapalad na mga tao? Isa kang nilalang—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at mamuhay nang makahulugan. Kung hindi mo sasambahin ang Diyos kundi mamumuhay ka ayon sa iyong maruming laman, hindi ba isang hayop ka lamang na nakasuot ng damit ng tao? Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Sa mundong ito, isinusuot ng tao ang damit ng diyablo, kinakain ang pagkaing nagmumula sa diyablo, at gumagawa at naglilingkod sa ilalim ng impluwensya ng diyablo, ganap na natatapakan sa karumihan nito. Kung hindi mo nauunawaan ang kahulugan ng buhay o natatamo ang tunay na daan, ano ang kabuluhan sa pamumuhay nang ganito? Kayo ay mga taong patuloy na naghahanap sa tamang landas, yaong mga naghahangad ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 2