L. Tungkol sa Paano Maglingkod sa Diyos at Magpatotoo sa Kanya

469. Mula nang simulan ng Diyos ang gawain Niya sa sansinukob, pauna Niyang itinadhana ang maraming tao upang paglingkuran Siya, kabilang na ang mga taong mula sa lahat ng uri ng pamumuhay, nang may layon na matugunan ang Kanyang mga layunin at maayos na makompleto ang Kanyang gawain sa lupa—ito ang layon ng Diyos sa pagpili ng mga taong maglilingkod sa Kanya. Dapat maunawaan ng bawat taong naglilingkod sa Diyos ang layunin Niyang ito. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng Diyos, nakikita ng mga tao nang may higit na kalinawan ang karunungan at ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain sa lupa. Sa praktikal na paraan, ang Diyos ay pumarito sa lupa upang gawin ang Kanyang gawain at makipag-ugnayan sa mga tao, upang mas malinaw nilang malaman ang Kanyang mga gawa. Ngayon, kayo—ang grupong ito ng mga tao—ay mapalad na maglingkod sa praktikal na Diyos. Ito ay di-masusukat na pagpapala para sa inyo—tunay na ito ay pagtataas ng Diyos sa inyo. Sa pagpili ng isang tao na maglilingkod sa Kanya, ang Diyos ay laging may sariling mga prinsipyo. Hinding-hindi iyon ang kaso, gaya ng iniisip ng mga tao, na ang tao ay makapaglilingkod sa Diyos hangga’t mayroon siyang kasigasigan. Ngayon, nakikita ninyo na ang lahat ng naglilingkod sa harap ng Diyos ay ginagawa ito dahil sa gabay ng Diyos, at na sila ay mayroong gawain ng Banal na Espiritu, at mga taong naghahangad ng katotohanan. Ang mga ito ang mga pinakamababang kondisyon para sa lahat ng naglilingkod sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon

470. Ang mga naglilingkod sa Diyos ay dapat mga kaniig ng Diyos, dapat ay nakalulugod sila sa Diyos, at may kakayahan na maging sukdulang tapat sa Diyos. Pribado man o publiko, sa presensiya ng Diyos, dapat nagagawa ng mga kilos mo na palugurin Siya, at dapat nagagawa ng lahat ng ito na manatiling matatag sa harap ng Diyos; paano ka man tratuhin ng ibang mga tao, dapat palagi mong tahakin ang landas na dapat mong tahakin para magpakita ng pagsasaalang-alang sa pasanin ng Diyos. Tanging ganitong mga tao ang mga kaniig ng Diyos. Na nagagawa ng mga kaniig ng Diyos na direktang maglingkod sa Kanya ay dahil nabigyan na sila ng dakilang atas ng Diyos at pasanin ng Diyos, nagagawa nilang ituring ang puso ng Diyos bilang kanila, at akuin ang pasanin ng Diyos bilang kanila, at hindi nila isinasaalang-alang ang pakinabang o kawalan ng kanilang kinabukasan sa hinaharap—kahit na ang kinabukasan nila ay na wala silang makakamit, at hindi sila makikinabang, sila ay palaging mananampalataya sa Diyos nang may mapagmahal-sa-Diyos na puso. At dahil dito, ang ganitong uri ng tao ay kaniig ng Diyos. Ang mga kaniig ng Diyos ay Kanya ring mga kapalagayang-loob; ang mga kapalagayang-loob lamang ng Diyos ang maaaring makibahagi sa Kanyang pagkaapurahan, at sa Kanyang mga saloobin, at bagaman ang kanilang laman ay masakit at mahina, natitiis nila ang pasakit at tinatalikdan ang minamahal nila upang mapalugod ang Diyos. Nagbibigay ang Diyos ng mas maraming pasanin sa gayong mga tao, at kung ano ang nais gawin ng Diyos ay pinatutunayan sa patotoo ng ganoong mga tao. Sa gayon, nakalulugod ang mga taong ito sa Diyos, sila ay mga taong naglilingkod sa Diyos at naaayon sa Kanyang mga layunin, at ang mga tao lamang na tulad nito ang maaaring mamuno kasama ng Diyos bilang mga hari. Ang panahon kung kailan ka tunay na naging kaniig ng Diyos ay ang panahon na talagang mamumuno ka kasama ng Diyos bilang isang hari.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod Nang Alinsunod sa mga Layunin ng Diyos

471. Ang isang taong tunay na naglilingkod sa Diyos ay isang taong alinsunod sa mga layunin ng Diyos, na angkop para gamitin ng Diyos, at na nagagawang bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro. Kung nais mong maging mabisa ang pagkain at pag-inom mo ng mga salita ng Diyos, dapat mong bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro mo. Kung nais mong paglingkuran ang Diyos, mas lalong kinakailangang bitawan mo muna ang mga relihiyosong kuru-kuro at magpasakop sa mga salita ng Diyos sa lahat ng bagay. Ito ang dapat na taglay ng isang taong naglilingkod sa Diyos. Kung salat ka sa pagkakilalang ito, sa sandaling maglingkod ka, magdudulot ka ng paggambala at mga kaguluhan, at kung kumakapit ka sa mga kuru-kuro mo, kung gayon, di-maiiwasang “patutumbahin” ka ng Diyos, at hindi na kailanman makakabangon pa. Gamitin nating halimbawa ang kasalukuyan: Marami sa mga kasabihan at gawain ang hindi umaayon sa Bibliya at sa gawaing dating ginawa ng Diyos, at kung wala kang pusong nagpapasakop, babagsak ka anumang oras. Kung nais mong maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos, dapat bitawan mo muna ang mga relihiyosong kuru-kuro at iwasto ang sarili mong mga pananaw. Sa hinaharap, maraming kasabihan ang hindi aayon sa mga nakaraan, at kung ngayon ay wala kang determinasyong magpasakop, hindi mo magagawang lakarin ang landas na hinaharap. Kung ang isa sa mga kaparaanan ng paggawa ng Diyos ay nag-ugat na sa loob mo at hindi mo kailanman binibitawan ito, ang kaparaanang ito ang magiging relihiyosong kuru-kuro mo. Kung nag-ugat na sa loob mo ang kung ano ang Diyos, nakamit mo na ang katotohanan, at kung ang mga salita at katotohanan ng Diyos ay nagiging buhay mo, hindi ka na magkakaroon pa ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Yaong mga nagtataglay ng tunay na pagkakilala sa Diyos ay hindi magkakaroon ng mga kuru-kuro at hindi susunod sa mga patakaran.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging Yaong mga Nakakakilala Lamang sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos ang Maaaring Maglingkod sa Diyos

472. Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang simpleng gampanin. Ang mga taong hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ay hindi kailanman maaaring maglingkod sa Diyos. Kung ang disposisyon mo ay hindi pa nahatulan at nakastigo ng mga salita ng Diyos, ang disposisyon mo ay kumakatawan pa rin kay Satanas, na nagpapatunay na ang paglilingkod mo sa Diyos ay ang pag-aalay mo lang ng sarili mong mabubuting intensiyon, na ang paglilingkod mo ay batay sa iyong satanikong kalikasan. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong karakter, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong iniisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos; lubos kang gumagawa nang naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Matatawag ba itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang buhay disposisyon mo ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, magiging mas mapagmatigas ito dahil sa paglilingkod mo, at sa gayon ay lubos na mapapalalim ang iyong tiwaling disposisyon, at sa gayon, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong karakter, at karanasang mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ang mga ito ang karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ng tao. Ang mga taong tulad nito ay mga Pariseo at mga opisyal ng relihiyon. Kung hindi sila mamumulat at magsisisi ngayon, tiyak na magiging mga huwad na cristo at mga anticristo sila na nanlilihis ng mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang nabanggit na mga huwad na cristo at mga anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang karakter at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, nanganganib silang maitiwalag anumang oras. Ang mga umaasa sa kanilang maraming taon ng karanasan para maglingkod sa Diyos upang makuha ang loob ng ibang tao, mapangaralan at malimitahan sila, at magkaroon ng mataas na katayuan—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nagtatapat ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tinatalikuran ang mga pakinabang ng katayuan—ang mga taong ito ay babagsak sa harap ng Diyos. Sila ay mga kauri ni Pablo, nagpapalagay na nakatataas sila at ipinagmamalaki sa iba ang kanilang mga kredensiyal. Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang mga taong tulad nito. Ang gayong paglilingkod ay katumbas ng paggambala sa gawain ng Diyos. Ang mga tao ay palaging kumakapit sa luma. Kumakapit sila sa mga kuru-kuro ng nakalipas, sa lahat ng bagay mula sa nakaraan. Malaking sagabal ito sa kanilang paglilingkod. Kung hindi mo iwawaksi ang mga ito, sisirain ng mga bagay na ito ang buong buhay mo. Kahit na mabali ang mga binti mo sa pagpaparoo’t parito, mabali ang likod mo sa pagtatrabaho, o kahit pa maging martir ka alang-alang sa “paglilingkod” sa Diyos, hindi ka sasang-ayunan ng Diyos kahit kaunti. Sa kabaligtaran: sasabihin Niya na ikaw ay isang taong gumagawa ng masama.

Simula ngayon, pormal na gagawing perpekto ng Diyos iyong mga walang kuru-kurong panrelihiyon, na handang isantabi ang mga lumang sarili nila, at nagpapasakop sa Diyos sa simpleng paraan. Gagawin Niyang perpekto ang mga nananabik sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong ito ay dapat tumindig at maglingkod sa Diyos. Sa Diyos, mayroong walang-katapusang kasaganaan at walang-hangganang karunungan. Ang Kanyang kahanga-hangang gawain at mahahalagang salita ay naghihintay na matamasa ng mas maraming tao. Sa ngayon, ang mga taong may mga kuru-kuro tungkol sa relihiyon, ang mga nag-aakalang nakatataas sila, at ang mga hindi maisantabi ang kanilang mga sarili ay nahihirapang tanggapin ang mga bagong bagay na ito. Walang pagkakataon ang Banal na Espiritu na gawing perpekto ang mga taong ito. Kung ang isang tao ay walang determinasyon na magpasakop, at hindi nauuhaw sa mga salita ng Diyos, wala siyang paraan para matanggap ang mga bagong bagay na ito; siya ay patuloy lamang na magiging mas mapanghimagsik, patuloy na magiging mas tuso, at dahil dito ay hahantong siya sa maling daan. Sa paggawa Niya ng Kanyang gawain ngayon, mas maraming ibabangon ang Diyos na mga tao na tunay na nagmamahal sa Kanya at kayang tumanggap ng bagong liwanag, at lubos Niyang pababagsakin ang mga opisyal ng relihiyon na nagpapalagay na nakatataas sila; hindi Niya nais ang ni isa sa gayong mga tao na matitigas ang ulo na lumalaban sa pagbabago. Nais mo bang maging isa sa mga taong ito? Naglilingkod ka ba ayon sa sarili mong mga kagustuhan o sa hinihingi ng Diyos? Isa itong bagay na dapat ay ikaw mismo ang makaalam. Isa ka bang opisyal ng relihiyon, o isa ka bang bagong-silang na sanggol na ginagawang perpekto ng Diyos? Gaano karami sa paglilingkod mo ang sinasang-ayunan ng Banal na Espiritu? Gaano karami dito ang hinding-hindi tatandaan ng Diyos? Gaano kalaking pagbabago ang naganap sa buhay mo bilang resulta ng lahat ng taon mo ng paglilingkod? Malinaw ba sa iyo ang lahat ng ito? Kung tunay kang nananalig, iwawaksi mo ang mga dati mong kuru-kurong panrelihiyon na mula pa sa nakaraan, at paglilingkuran mo nang mas mabuti ang Diyos sa isang bagong paraan. Hindi pa huli ang lahat para tumindig ngayon. Kayang mapawalan ng saysay ng mga dating kuru-kurong panrelihiyon ang buong buhay ng isang tao. Ang karanasang natatamo ng isang tao ay maaaring magdulot sa kanya na lumayo sa Diyos at umasa sa kanyang sarili sa paggawa ng mga bagay. Kung hindi mo isasantabi ang mga bagay na ito, magiging sagabal ang mga ito sa paglago mo sa buhay. Palaging ginagawang perpekto ng Diyos ang mga naglilingkod sa Kanya, at hindi Niya sila itinitiwalag nang basta-basta na lamang. Kung tunay mong tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, kung kaya mong isantabi ang mga dating pagsasagawa at regulasyon ng relihiyon, at tumigil sa paggamit ng mga dati mong kuru-kurong panrelihiyon bilang panukat ng mga salita ng Diyos sa kasalukuyan, saka ka lamang magkakaroon ng anumang kinabukasang masasabi. Ngunit kung kakapit ka sa mga lumang bagay mula sa nakaraan, kung pinahahalagahan mo pa rin ang mga ito, walang paraan para mailigtas ka. Hindi pinapansin ng Diyos ang ganitong mga tao. Kung talagang handa kang magawang perpekto, dapat kang magpasya na ganap na talikuran ang lahat ng bagay mula sa nakaraan. Kahit pa tama ang nagawa noon, kahit pa ito ay ginawa ng Diyos, dapat magawa mo pa ring isantabi ito at huwag kumapit dito. Kahit pa malinaw na gawain ito ng Banal na Espiritu, tuwirang ginawa ng Banal na Espiritu, ngayon ay dapat mo itong isantabi. Hindi mo ito dapat panghawakan. Ito ang hinihingi ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay dapat mapanibago. Sa gawain ng Diyos at mga salita ng Diyos, pare-pareho Niyang hindi binabanggit ang mga lumang bagay na naganap noon, hindi Siya sumasangguni sa lumang almanak; ang Diyos ay isang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma, at hindi Siya kumakapit kahit sa sarili Niyang mga salita mula sa nakaraan—na nagpapakita na ang Diyos ay hindi sumusunod sa anumang mga regulasyon. Kaya kung ikaw, bilang isang tao, ay palaging kumakapit sa mga bagay mula sa nakaraan at tumatanggi kang bitiwan ang mga ito, at mahigpit mong ginagamit ang mga ito na para bang pormula, pero ang Diyos ay hindi gumagawa gamit ang mga paraang ginamit Niya noon, hindi ba’t nakagagambala ang mga salita at kilos mo? Hindi ba’t antagonistiko ang mga ito sa Diyos? Handa ka bang hayaang masira ang buong buhay mo dahil sa mga lumang bagay na ito? Ang mga lumang bagay na ito ay gagawin kang isang taong gumagambala sa gawain ng Diyos—ito ba ang uri ng tao na nais mong maging? Kung talagang hindi mo iyon ninanais, itigil mo agad ang iyong ginagawa at ituwid ang iyong sarili; magsimula kang muli. Hindi tatandaan ng Diyos ang paglilingkod mo noon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon

473. Ang lahat ng tao na may determinasyon ay maaaring maglingkod sa Diyos—subalit ang mga tao lamang na nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos ang kalipikado at may karapatang maglingkod sa Diyos. Natuklasan Ko ito sa gitna ninyo: Maraming tao ang naniniwala na hangga’t masigasig nilang ipinapangaral ang daan para sa Diyos, humahayo sila para sa Diyos, gumugugol ng kanilang mga sarili at isinusuko ang mga bagay-bagay para sa Diyos, at iba pa, ito ay paglilingkod sa Diyos. Ang karamihan sa mga relihiyosong tao ay naniniwalang ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng pagbibitbit ng Bibliya habang paroo’t parito, pangangaral sa ebanghelyo ng kaharian ng langit at pagliligtas sa mga tao sa pamamagitan ng panghihikayat sa kanila na magsisi at magtapat. Marami ring opisyal ng relihiyon ang nag-iisip na ang paglilingkod sa Diyos ay binubuo ng pangangaral sa mga kapilya matapos makakuha ng mataas na edukasyon at magsanay sa seminaryo, at pagtuturo sa mga tao sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kasulatan ng Bibliya. Higit pa rito, may mga tao sa naghihirap na mga rehiyon na naniniwalang ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugang pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo sa gitna ng kanilang mga kapatid, pananalangin para sa kanila, at paglilingkod sa kanila. Sa gitna ninyo, marami ang naniniwala na ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pananalangin sa Diyos araw-araw, pati na ang pagbisita at paggawa ng mga gawain sa mga iglesia saanman. May ibang mga kapatid na naniniwala na ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng hindi pag-aasawa kailanman o pagsisimula ng isang pamilya at paglalaan ng kanilang buong sarili sa Diyos. Ngunit iilang tao ang nakakaalam kung ano talaga ang kahulugan ng paglilingkod sa Diyos. Bagaman ang mga naglilingkod sa Diyos ay kasingdami ng mga bituin sa kalangitan, ang bilang ng mga direktang nakakapaglingkod, at mga may kakayahang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, ay kakaunti—hamak na kakaunti. Bakit Ko sinasabi ito? Sinasabi Ko ito dahil hindi ninyo nauunawaan ang diwa ng pariralang “paglilingkod sa Diyos,” at labis na kakaunti ang nauunawaan ninyo sa kung paano maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos. May agarang pangangailangan na maunawaan ng mga tao kung anong uri talaga ng paglilingkod sa Diyos ang alinsunod sa Kanyang mga layunin.

Kung nais ninyong maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, kailangan muna ninyong maunawaan kung anong uri ng mga tao ang nakalulugod sa Diyos, kung anong uri ng mga tao ang kinamumuhian ng Diyos, kung anong uri ng mga tao ang ginagawang perpekto ng Diyos, at kung anong uri ng mga tao ang kalipikadong maglingkod sa Diyos. Kahit paano, dapat kayong masangkapan ng kaalamang ito. Ang mas mahalaga, dapat ninyong malaman ang layon ng gawain ng Diyos, at ang gawain na gagawin ng Diyos sa kasalukuyan. Matapos maunawaan ito, at sa pamamagitan ng patnubay ng mga salita ng Diyos, dapat muna kayong magkaroon ng pagpasok, at tanggapin muna ninyo ang atas ng Diyos. Kapag nagkaroon na kayo ng praktikal na karanasan sa mga salita ng Diyos, at kapag tunay na ninyong nakikilala ang gawain ng Diyos, kayo ay magiging kalipikadong maglingkod sa Diyos. At bubuksan ng Diyos ang inyong espirituwal na mga mata kapag pinaglilingkuran ninyo Siya at tutulutan Niya kayong magkaroon ng higit na pagkaunawa sa Kanyang gawain at makita ito nang mas malinaw. Kapag pumasok ka sa realidad na ito, ang iyong mga karanasan ay magiging mas malalim at praktikal, at ang lahat sa inyo na nagkaroon na ng ganoong mga karanasan ay magagawang lumakad sa gitna ng mga iglesia at magtustos sa inyong mga kapatid, upang ang bawat isa sa inyo ay makahugot ng kalakasan sa isa’t isa upang mapunan ang inyong sariling mga pagkukulang, at makapagtamo ng mas mayamang pagkakilala sa inyong mga espiritu. Matapos makamit ang epektong ito, saka lamang ninyo makakayang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos at magagawang perpekto ng Diyos sa panahon ng inyong paglilingkod.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod Nang Alinsunod sa mga Layunin ng Diyos

474. Iyong mga maaaring mamuno sa mga iglesia, tustusan ng buhay ang mga tao, at maging mga apostol sa mga tao ay kailangang magkaroon ng praktikal na karanasan; kailangang magkaroon sila ng tamang pagkaunawa tungkol sa mga espirituwal na bagay at ng tamang pagkaarok at karanasan sa katotohanan. Ang gayong mga tao lamang ang kalipikadong maging mga manggagawa o apostol na namumuno sa mga iglesia. Kung hindi, maaari lamang silang sumunod bilang pinakamababa at hindi maaaring mamuno, lalong hindi sila maaaring maging mga apostol na nagtutustos ng buhay sa mga tao. Iyan ay dahil ang tungkulin ng mga apostol ay hindi upang magparoo’t parito o makipaglaban; iyan ay upang gawin ang gawain ng pagmiministeryo ng buhay at pamumuno sa iba sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon. Iyon ang papel na ginagampanan ng mga tumatanggap sa atas at pumapasan ng mabigat na responsabilidad, na hindi kakayaning pasanin ng kahit sino. Ang uring ito ng gawain ay maaari lamang gawin ng mga iyon na may pagiging buhay ng buhay, ibig sabihin, iyong mga may karanasan sa katotohanan. Hindi ito maaaring isagawa lamang ng kahit sino na kayang tumalikod sa mga bagay-bagay, magparoo’t parito, o handang gugulin ang kanilang sarili; ang mga taong walang karanasan sa katotohanan, na hindi pa napungusan o nahatulan, ay hindi nagagawa ang ganitong uri ng gawain. Ang mga taong walang karanasan, na mga taong walang realidad, ay hindi nakikita nang malinaw ang realidad dahil sila mismo ay walang ganitong uri ng kung ano sila. Kaya, ang ganitong uri ng tao ay hindi lamang hindi nagagawang gawin ang gawaing mamuno, kundi, kung mananatiling wala sa kanila ang katotohanan sa loob ng mahabang panahon, ititiwalag sila.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

475. Hinggil sa gawain, naniniwala ang tao na ang gawain ay pumaroo’t parito para sa Diyos, mangaral sa lahat ng dako, at gumugol para sa Kanyang kapakanan. Bagama’t ang paniniwalang ito ay tama, masyado itong nakatuon sa iisang panig; ang hinihingi ng Diyos sa tao ay hindi lamang ang magparoo’t parito para sa Diyos, sa halip, ito ay higit na ministeryo at pagtustos sa loob ng espiritu. Maraming kapatid, kahit pagkaraan nitong lahat ng taon ng karanasan, ang hindi kailanman nakaisip na gumawa para sa Diyos, dahil ang gawaing iniisip ng tao ay hindi tumutugma sa hinihingi ng Diyos. Samakatwid, walang anumang interes ang tao patungkol sa gawain, at ito mismo ang dahilan kung bakit labis na maka-isang panig din ang pagpasok ng tao. Ang pagpasok ninyong lahat ay dapat magsimula sa paggawa para sa Diyos, upang mas mainam kayong sumailalim sa lahat ng aspekto ng karanasan. Ito ang dapat ninyong pasukin. Ang gawain ay tumutukoy hindi sa pagparoo’t parito para sa Diyos, kundi sa kung ang buhay ng tao at ang isinasabuhay ng tao ay nagagawang magbigay ng kasiyahan sa Diyos. Ang gawain ay tumutukoy sa paggamit ng mga tao ng kanilang katapatan sa Diyos at ng kanilang pagkakilala sa Diyos upang magpatotoo sa Diyos, at magministeryo sa tao. Ito ang responsabilidad ng tao at ito ang dapat maunawaan ng lahat ng tao. Maaaring sabihin na ang pagpasok ninyo ang inyong gawain, at na naghahangad kayong pumasok sa panahon ng inyong paggawa para sa Diyos. Ang pagdanas sa gawain ng Diyos ay hindi lamang nangangahulugan na marunong kayong kumain at uminom ng Kanyang salita; ang mas mahalaga, kailangan ninyong malaman kung paano magpatotoo sa Diyos at makapaglingkod sa Diyos at makapagministeryo at makapaglaan sa tao. Ito ang gawain, at ito rin ang inyong pagpasok; ito ang dapat isakatuparan ng bawat tao. Marami ang nakatuon lamang sa pagparoo’t parito para sa Diyos at pangangaral sa lahat ng dako, subalit nakakaligtaan ang kanilang personal na karanasan at kinaliligtaan ang kanilang pagpasok sa espirituwal na buhay. Ito ang dahilan kaya iyong mga naglilingkod sa Diyos ay naging iyong mga lumalaban sa Diyos. …

Gumagawa ang isang tao upang matugunan ang mga layunin ng Diyos, upang dalhin ang lahat ng alinsunod sa mga layunin ng Diyos sa Kanyang harapan, upang dalhin ang tao sa Diyos, at upang ipakilala ang gawain ng Banal na Espiritu at gabay ng Diyos sa tao, at sa gayon ay napeperpekto ang mga bunga ng gawain ng Diyos. Samakatwid, kinakailangan na lubusang malinaw sa inyo ang diwa ng gawain. Ang bawat tao na ginagamit ng Diyos ay karapat-dapat na gumawa para sa Diyos, ibig sabihin, lahat ay may pagkakataong kasangkapanin ng Banal na Espiritu. Gayunman, may isang punto kayong kailangang matanto: Kapag ginagawa ng tao ang gawaing iniatas ng Diyos, nabigyan na ng pagkakataon ang tao na kasangkapanin ng Diyos, ngunit ang sinasabi at alam ng tao ay hindi ganap na ang tayog ng tao. Ang tanging magagawa ninyo ay mas alamin ang inyong mga kakulangan habang ginagawa ninyo ang inyong gawain, at magkamit ng higit na kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. Sa ganitong paraan, mabibigyang-kakayahan kayo na makapagkamit ng mas mainam na pagpasok sa panahon ng inyong gawain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (2)

476. Ang paglilingkod na nasa labas ng pinakabagong mga salita ng Banal na Espiritu ay paglilingkod na mula sa laman, at mula sa mga kuru-kuro, at imposible itong maging alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Kung ang mga tao ay nabubuhay sa gitna ng mga relihiyosong kuru-kuro, wala silang magagawang anuman na alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at kahit na naglilingkod sila sa Diyos, naglilingkod sila sa gitna ng kanilang mga imahinasyon at mga kuru-kuro, at ganap na walang kakayahan na maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Hindi nauunawaan niyaong mga hindi nagagawang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu ang mga layunin ng Diyos, at yaong mga hindi nakauunawa sa mga layunin ng Diyos ay hindi maaaring maglingkod sa Diyos. Nais ng Diyos ang paglilingkod na naaayon sa Kanyang mga layunin; ayaw Niya sa paglilingkod na mula sa mga kuru-kuro at sa laman. Kung walang kakayahan ang mga tao na sundan ang mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu, sila ay nabubuhay sa gitna ng mga kuru-kuro. Ang paglilingkod ng gayong mga tao ay nakakagambala at nakakagulo, at ang gayong paglilingkod ay sumasalungat sa Diyos. Kaya yaong mga hindi nagagawang sundan ang mga yapak ng Diyos ay walang kakayahan na maglingkod sa Diyos; yaong hindi magawang sundan ang mga yapak ng Diyos ay tiyak na tiyak na kinakalaban ang Diyos, at tiyak na mga walang kakayahan na maging kaayon ng Diyos. Ang “pagsunod sa gawain ng Banal na Espiritu” ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa mga kasalukuyang layunin ng Diyos, at ang magawang kumilos alinsunod sa kasalukuyang mga hinihingi ng Diyos, magpasakop at sundan ang Diyos sa kasalukuyan, at pumasok alinsunod sa pinakabagong mga salita ng Diyos. Tanging ito ang isang tao na sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu at nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang gayong mga tao ay hindi lamang may kapabilidad na matanggap ang pagsang-ayon ng Diyos at makita ang Diyos, kundi makikilala rin nila ang disposisyon ng Diyos mula sa pinakabagong gawain ng Diyos, at makikilala rin ang mga kuru-kuro at paghihimagsik ng tao, at kalikasan at diwa ng tao, mula sa Kanyang pinakabagong gawain; bukod dito, nagagawa nilang unti-unting matamo ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa panahon ng kanilang paglilingkod. Ang mga tao lamang na kagaya nito ang nagagawang kamtin ang Diyos, at tunay na nakasumpong na sa tunay na daan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak

477. Kung, habang pinaglilingkuran ang Diyos ng ngayon, kumakapit ka sa mga bagay na ibinunyag ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu noong nakaraan, magdudulot ang paglilingkod mo ng paggambala, at magiging isang uri ng lipas na pagsasagawa, walang iba kundi mga ritwal na panrelihiyon. Kung naniniwala kang yaong mga pinaglilingkuran ang Diyos ay dapat mapagpakumbaba at matiisin sa panlabas, bukod sa iba pang mga katangian, at kung isasagawa mo ang ganitong uri ng kaalaman ngayon, ang ganitong kaalaman ay isang relihiyosong kuru-kuro; ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay katumbas ng pagpapakita ng pagkapaimbabaw. Tumutukoy sa mga bagay na luma na ang pariralang “mga relihiyosong kuru-kuro” (kabilang ang pagkaunawa sa mga salitang sinabi na dati ng Diyos at ang liwanag ng direktang kaliwanagan ng Banal na Espiritu), at kung isasagawa ang mga ito ngayon, gagambalain ng mga ito ang gawain ng Diyos at hindi magdadala ng pakinabang sa tao. Kung hindi magagawang alisin ng mga tao mula sa mga sarili nila yaong mga bagay na kabilang sa mga relihiyosong kuru-kuro, magiging matinding sagabal ang mga bagay na ito sa paglilingkod nila sa Diyos. Ang mga taong may mga relihiyosong kuru-kuro ay walang paraan upang makasabay sa mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu—nahuhuli sila nang isang hakbang, pagkatapos ay dalawa. Ito ay dahil ang mga relihiyosong kuru-kuro na ito ay nagdudulot sa tao na maging sobrang mapagmagaling at mapagmataas. Walang nararamdamang paggunita ang Diyos para sa sinabi at ginawa Niya noong nakaraan; kung lipas na ang isang bagay, inaalis Niya ito. Tunay bang hindi mo kayang bitawan ang mga kuru-kuro mo? Kung kumakapit ka sa mga salitang sinabi ng Diyos noong nakaraan, pinatutunayan ba nito na nakikilala mo ang gawain ng Diyos? Kung hindi mo magawang tanggapin ang kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu, at sa halip ay kumakapit ka sa liwanag ng nakalipas, mapatutunayan ba nito na sinusundan mo ang mga yapak ng Diyos? Hindi mo pa rin ba kayang bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro? Kung gayon, magiging isa kang taong sumasalungat sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging Yaong mga Nakakakilala Lamang sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos ang Maaaring Maglingkod sa Diyos

478. Maraming naglilingkod sa Diyos sa lakas ng silakbo ng damdamin nila ngunit walang pagkaunawa sa mga atas administratibo ng Diyos, at lalong walang anumang ideya tungkol sa mga ipinapahiwatig ng mga salita Niya. Kaya naman, sa kanilang mabubuting intensiyon, madalas silang nakagagawa ng mga bagay na gumugulo sa pamamahala ng Diyos. Sa mga malalang kaso, pinapatalsik sila mula sa sambahayan ng Diyos, pinagkakaitan ng anumang karagdagang pagkakataong sumunod sa Kanya, at itinatapon sa impiyerno, at ang lahat ng ugnayan sa sambahayan ng Diyos ay natapos na. Ginagawa ng mga taong ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa lakas ng kanilang mangmang na mabubuting intensiyon, at nagtatapos sa pagpapagalit sa disposisyon ng Diyos. Dinadala ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ang mga paraan nila ng paglilingkod sa mga opisyal at mga panginoon at sinusubukang gamitin ang mga ito, delusyonal na iniisip na magagamit ang mga ito rito nang napakadali. Hindi nila kailanman naipagpapalagay na walang disposisyon ng tupa ang Diyos, kundi ng isang leon. Samakatwid, ang mga nakikipag-ugnayan sa Diyos sa unang pagkakataon ay walang kakayahang makipag-usap sa Kanya, sapagkat hindi tulad ng sa tao ang puso ng Diyos. Pagkatapos mo lamang maunawaan ang maraming katotohanan saka mo patuloy na makikilala ang Diyos. Hindi binubuo ng mga salita at doktrina ang kaalamang ito ngunit magagamit bilang kayamanan na sa pamamagitan nito ay makapapasok ka sa pagiging katapatang-loob ng Diyos, at bilang katibayang nalulugod Siya sa iyo. Kung kulang ka sa realidad ng kaalaman at hindi nasasangkapan ng katotohanan, ang maalab mong paglilingkod ay magdadala lamang sa iyo ng pagkasuklam at pagkapoot ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

479. Sa relihiyon, maraming taong nagdurusa nang husto sa buong buhay nila: Sinusupil nila ang kanilang katawan at pinapasan ang kanilang krus, at patuloy pa silang nagdurusa at nagtitiis kapag nasa bingit na ng kamatayan! Nag-aayuno pa rin ang ilan sa umaga ng kanilang kamatayan. Buong buhay nila ay pinagkakaitan nila ang kanilang sarili ng masasarap na pagkain at magagarang damit, nakatuon lang sa pagdurusa. Nagagawa nilang supilin ang kanilang katawan at maghimagsik laban sa kanilang laman. Kapuri-puri ang diwa nilang magtiis ng pagdurusa. Ngunit ang kanilang mentalidad, ang kanilang mga kuru-kuro, ang kanilang mental na pananaw, at ang dati nilang kalikasan ay hindi pa napungusan kahit kaunti. Wala silang tunay na pagkakilala tungkol sa kanilang sarili. Ang wangis ng Diyos na nasa kanilang isipan ay ang tradisyonal na imahe ng isang malabong Diyos. Ang determinasyon nilang magdusa para sa Diyos ay nagmumula sa kanilang kasigasigan at mabuting personalidad ng kanilang pagkatao. Kahit nananampalataya sila sa Diyos, hindi nila Siya nauunawaan ni hindi nila alam ang Kanyang mga layunin. Pikit-mata lamang silang gumagawa at nagdurusa para sa Diyos. Hindi nila binibigyan ng anumang halaga ang pagkilatis, halos walang pakialam kung paano titiyakin na talagang tinutupad ng kanilang paglilingkod ang mga layunin ng Diyos, lalo nang wala silang kamalayan kung paano magkamit ng pagkakilala tungkol sa Diyos. Ang Diyos na kanilang pinaglilingkuran ay hindi ang Diyos sa Kanyang likas na wangis, kundi isang Diyos na inilarawan nila sa kanilang isip, isang Diyos na nabalitaan lamang nila, o nabasa lamang nila sa mga nakasulat na alamat. Pagkatapos ay ginagamit nila ang kanilang mayayabong na imahinasyon at pagiging deboto upang magdusa para sa Diyos at isagawa ang gawain ng Diyos na nais gawin ng Diyos. Lubhang hindi tumpak ang kanilang paglilingkod, kaya nga halos walang sinuman sa kanila ang tunay na nagagawang maglingkod sa Diyos alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Gaano man sila kahandang magdusa, ang orihinal nilang pananaw sa paglilingkod at ang wangis ng Diyos sa kanilang isipan ay hindi nagbabago, dahil hindi pa sila sumasailalim sa paghatol, pagkastigo, pagpipino, at pagpeperpekto ng Diyos, ni hindi sila nagabayan ng sinuman gamit ang katotohanan. Kahit nananampalataya sila kay Jesus na Tagapagligtas, walang sinuman sa kanila ang nakakita sa Tagapagligtas kailanman. Nalalaman lamang nila ang tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga alamat at sabi-sabi. Dahil dito, ang kanilang paglilingkod ay katumbas lamang ng arbitraryong paglilingkod nang nakapikit, tulad ng isang bulag na naglilingkod sa sarili niyang ama. Ano, sa bandang huli, ang makakamit ng gayong uri ng paglilingkod? At sino ang sasang-ayon dito? Mula simula hanggang wakas, ganoon pa rin ang kanilang paglilingkod sa kabuuan; tumatanggap lamang sila ng mga aral na gawa ng tao at ibinabatay lamang nila ang kanilang paglilingkod sa kanilang naturalesa at sa kanilang sariling mga kagustuhan. Anong gantimpala ang idudulot nito? Kahit si Pedro, na nakakita kay Jesus, ay hindi alam kung paano maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos; nalaman lamang niya ito sa bandang huli, noong matanda na siya. Ano na lang kaya ang masasabi tungkol sa mga taong bulag na hindi pa nakaranas ng kahit kaunting pagpupungos, at walang sinumang gumagabay sa kanila? Hindi ba kagaya ng sa mga taong bulag na ito ang paglilingkod ng marami sa inyo ngayon? Lahat ng hindi pa nakatanggap ng paghatol, hindi pa nakatanggap ng pagpupungos, at hindi pa nagbago—hindi ba’t lahat sila ay yaong hindi pa ganap na nalupig? Ano ang silbi ng gayong mga tao? Kung ang iyong mentalidad, iyong pagkakilala tungkol sa buhay, at iyong pagkakilala tungkol sa Diyos ay hindi nagpapakita ng bagong pagbabago at wala ka talagang napapala, hindi ka magkakamit kailanman ng anumang resulta sa iyong paglilingkod!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (3)

480. Nagawa ni Jesus na tapusin ang atas ng Diyos—ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan—dahil mismo nagawa Niyang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, nang hindi gumagawa ng anumang mga plano at pagsasaayos para sa Kanyang sarili. Siya ang kaniig ng Diyos—ng Diyos Mismo—na isang bagay na nauunawaan ninyong laha nang napakabuti. (Ang totoo, Siya ang Diyos Mismo na pinatotohanan ng Diyos. Binabanggit Ko ito rito upang gamitin ang katunayan ni Jesus upang isalarawan ang usapin.) Nagawa Niyang ilagay ang plano ng pamamahala ng Diyos sa pinakasentro, at palaging nanalangin sa Ama sa langit at hinanap ang kalooban ng Ama sa langit. Nanalangin Siya at nagsabi, “Diyos Ama! Tuparin ang Iyong kalooban, at kumilos hindi ayon sa Aking mga kagustuhan kundi ayon sa Iyong plano. Maaaring mahina ang tao, ngunit bakit Mo siya dapat alalahanin? Paano magiging karapat-dapat ang tao sa Iyong pagmamalasakit, ang tao na tulad ng isang langgam sa Iyong kamay? Sa Aking puso, nais Ko lamang na tuparin ang Iyong kalooban, at nais Ko na Iyong isakatuparan ang nais Mong gawin sa Akin ayon sa Iyong sariling mga pagnanais.” Habang nasa daan patungong Jerusalem, si Jesus ay nagdurusa, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa Kanyang puso, subalit wala Siya ni bahagya mang intensiyon na umatras; palaging mayroong isang makapangyarihang puwersang nagtutulak sa Kanya pasulong sa kung saan Siya ipapako sa krus. Sa huli, Siya ay ipinako sa krus at naging wangis ng makasalanang laman, tinatapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Nilampasan Niya ang lahat ng paglilimita ng kamatayan at ng Hades. Sa harap Niya, ang kamatayan, impiyerno, at Hades ay nawalan ng kapangyarihan, at nalupig Niya. Siya ay nabuhay sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon, sa kabuuan nito ay palagi Niyang ginawa ang Kanyang makakaya upang matugunan ang mga layunin ng Diyos ayon sa gawain ng Diyos sa panahong iyon, hindi kailanman isinasaalang-alang ang Kanyang pansariling pakinabang o kawalan, at palaging gumagawa ng mga plano alang-alang sa mga layunin ng Diyos Ama. Kaya, matapos na Siya ay nabautismuhan, sinabi ng Diyos, “Ito ang sinisinta Kong Anak, na lubos Kong kinalulugdan.” Dahil sa Kanyang paglilingkod sa harap ng Diyos na alinsunod sa mga layunin ng Diyos, inilagay ng Diyos ang mabigat na pasanin ng pagtubos sa buong sangkatauhan sa Kanyang mga balikat at ipinasakatuparan iyon sa Kanya, at Siya ay kalipikado at may karapatang tumapos sa mahalagang gawaing ito. Sa kabuuan ng Kanyang buhay, tiniis Niya ang di-masusukat na pagdurusa para sa Diyos, at Siya ay tinukso ni Satanas nang di-mabilang na beses, ngunit hindi Siya kailanman pinanghinaan ng loob. Binigyan Siya ng Diyos ng gayon kahalagang gawain dahil may tiwala ang Diyos sa Kanya, at minamahal Siya, kaya nga personal na sinabi ng Diyos, “Ito ang sinisinta Kong Anak, na lubos Kong kinalulugdan.” Sa panahong iyon, si Jesus lamang ang maaaring tumupad sa atas na ito, at ito ay isang aspekto ng mga aktuwal na sirkumstansiya ng pagkompleto ng Diyos sa Kanyang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya.

Kung, katulad ni Jesus, nagagawa ninyong maging mapagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos, at maghimagsik laban sa inyong laman, ipagkakatiwala sa inyo ng Diyos ang Kanyang mabigat na responsabilidad, upang inyong matugunan ang mga kondisyong kinakailangan sa paglilingkod sa Diyos. Sa gayong mga sitwasyon lamang kayo mangangahas na magsabi na kayo ay isang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos, isang taong nagtatapos sa atas ng Diyos, at isang tao na tunay na naglilingkod sa Diyos. Kumpara sa halimbawa ni Jesus, nangangahas ka bang sabihin na ikaw ay kaniig ng Diyos? Nangangahas ka bang sabihin na isa kang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos? Nangangahas ka bang sabihin na ikaw ay isang taong tunay na naglilingkod sa Diyos? Ngayon, hindi mo nauunawaan kung paano paglingkuran ang Diyos, ikaw ba ay nangangahas na sabihin na kaniig ka ng Diyos? Kung sinasabi mo na isa kang taong naglilingkod sa Diyos, hindi mo ba Siya nilalapastangan? Pag-isipan ito: Ikaw ba ay naglilingkod sa Diyos, o sa iyong sarili? Naglilingkod ka kay Satanas, ngunit nagmamatigas kang sabihin na naglilingkod ka sa Diyos—sa ganito, hindi mo ba nilalapastangan ang Diyos? Maraming tao—sa Aking likuran—ang nagiging sakim sa mga pakinabang ng katayuan; nagpapakasasa sila sa pagkain, mahilig silang matulog, at lubos nilang inaalagaan ang laman, palaging natatakot na walang landas pasulong para sa laman. Hindi nila tinutupad nang maayos ang kanilang papel sa iglesia, bagkus ay nagiging palamunin sa iglesia, o kaya ay pinangangaralan nila ang kanilang mga kapatid gamit ang Aking mga salita, nililimitahan ang iba mula sa mataas na posisyon. Palaging sinasabi ng mga taong ito na sila ay mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos at palaging sinasabi na sila ay mga kaniig ng Diyos—hindi ba’t baligho ito? Kung ikaw ay may mga tamang intensiyon, ngunit hindi magawang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, ikaw ay hangal; ngunit kung ang iyong intensiyon ay hindi tama, at sinasabi mo pa rin na ikaw ay isang taong naglilingkod sa Diyos, ikaw ay isang taong sumasalungat sa Diyos, at nararapat kang parusahan ng Diyos! Wala Akong simpatya sa ganoong mga tao! Sa sambahayan ng Diyos, nagiging palamunin sila, palaging nagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman, at walang pagsasaalang-alang sa mga interes ng Diyos. Palagi silang naghahanap ng personal na pakinabang, at hindi nila iniintindi ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila matanggap ang pagsisiyasat ng Espiritu ng Diyos sa anumang ginagawa nila. Palagi nilang dinadaya ang mga kapatid sa pamamagitan ng pagiging baliko at mapanlinlang, at sila ay mga doble-kara. Katulad na katulad sila sa isang soro sa ubasan, palaging nagnanakaw ng mga ubas at sinisira ang ubasan. Maaari bang maging mga kaniig ng Diyos ang gayong mga tao? Ikaw ba ay nararapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Hindi ka umaako ng pasanin para sa iyong buhay at sa iglesia, ikaw ba ay nararapat na tumanggap ng atas ng Diyos? Sino ang mangangahas na magtiwala sa isang katulad mo? Kapag ikaw ay naglilingkod nang ganito, maaari bang ipagkatiwala ng Diyos sa iyo ang mas malaking gampanin? Hindi ba ito magdudulot ng mga pagkaantala sa gawain?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod Nang Alinsunod sa mga Layunin ng Diyos

481. Ang naranasan at nakita ninyo ay higit pa sa naranasan at nakita ng mga santo at propeta mula sa lahat ng kapanahunan, ngunit kaya ba ninyong magbigay ng patotoo sa Akin na higit pa sa mga salita ng mga dating santo at propetang ito? Ang ipinagkakaloob Ko sa inyo ngayon ay higit pa sa ipinagkaloob Ko kay Moises at kay David, kaya’t gayundin ay hinihingi Ko na ang inyong patotoo ay humigit pa sa kay Moises at ang inyong mga salita ay humigit pa sa kay David. Sandaang beses ang Aking ibinibigay sa inyo—kaya’t gayundin ay hinihingi Ko sa inyo na suklian Ako ng sandaang beses. Dapat ninyong malaman na Ako ang nagkakaloob ng buhay sa sangkatauhan, at kayo ang tumatanggap ng buhay mula sa Akin at dapat magpatotoo sa Akin. Ito ang inyong tungkulin na Aking itinatalaga sa inyo at nararapat ninyong gawin para sa Akin. Ipinagkaloob Ko na sa inyo ang lahat ng Aking kaluwalhatian, ipinagkaloob Ko sa inyo ang buhay na hindi kailanman natanggap ng hinirang na mga tao ng Israel. Dapat kayong magpatotoo para sa Akin at italaga ang inyong kabataan at ialay ang inyong buhay sa Akin. Ang sinumang pagkalooban Ko ng Aking kaluwalhatian ay dapat na magpatotoo at mag-alay ng kanyang buhay para sa Akin—matagal Ko na itong paunang inorden. Isang pagpapala na ipinagkakaloob Ko ang Aking kaluwalhatian sa inyo, at tungkulin ninyo na magpatotoo sa Aking kaluwalhatian. Kung mananampalataya kayo sa Akin alang-alang lamang sa mga pagpapala, walang gaanong magiging kabuluhan ang Aking gawain, at hindi ninyo gagawin ang inyong tungkulin. Ang nakita lamang ng mga Israelita ay ang Aking awa, mapagmahal na kabaitan, at kadakilaan, at ang nasaksihan lamang ng mga Hudyo ay ang Aking tiyaga at pagtubos. Kaunting-kaunti lamang ang nakita nila sa gawain ng Aking Espiritu; at ang nangyari pa nga ay ang naunawaan nila ay katiting lang ng narinig at nakita ninyo. Ang nakita ninyo ay higit pa maging sa nakita ng mga pinunong saserdote sa gitna nila. Ang mga katotohanan na inyong naunawaan ngayon ay higit sa nauunawaan nila; ang nakita ninyo ngayon ay higit pa sa nakita noong Kapanahunan ng Kautusan, pati na rin sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang naranasan ninyo ay higit pa maging sa naranasan nina Moises at Elias. Sapagkat ang naunawaan lamang ng mga Israelita ay ang kautusan ni Jehova, at ang nakita nila ay ang likuran lamang ni Jehova; ang naunawaan lamang ng mga Hudyo ay ang pagtubos ni Jesus, ang natanggap nila ay ang biyaya lamang na ipinagkaloob ni Jesus, at ang nakita nila ay ang wangis lamang ni Jesus sa loob ng sambahayan ng mga Hudyo. Ang nakikita ninyo ngayon ay ang kaluwalhatian ni Jehova, ang pagtubos ni Jesus, at ang lahat ng gawang ginagawa Ko ngayon. Naririnig din ng sarili ninyong mga tainga ang mga salita ng Aking Espiritu, at nagkamit kayo ng pagpapahalaga sa Aking karunungan, nakilala ninyo ang Aking pagiging kamangha-mangha, at nalaman ang Aking disposisyon. Sinabi Ko rin sa inyo ang lahat ng Aking plano ng pamamahala. Ang nakita ninyo ay hindi lamang isang mapagmahal at mahabaging Diyos, kundi isang Diyos na puno ng katuwiran. Nakita ninyo ang pagiging kamangha-mangha ng Aking gawain at nakilala ninyo na Ako ay nag-uumapaw sa pagiging maharlika at poot; lalong nababatid ninyo na minsan Ko nang ibinuhos ang Aking nagpupuyos na galit sa sambahayan ng Israel, at na sumapit na ito ngayon sa inyo. Higit pa ang nauunawaan ninyo sa Aking mga misteryo sa langit kaysa sa naunawaan nina Isaias at Juan; higit pa ang nalalaman ninyo tungkol sa Aking pagiging kaibig-ibig at pagiging kagalang-galang kaysa sa nalalaman ng lahat ng banal ng mga nakaraang kapanahunan. Ang natanggap ninyo ay hindi lamang ang Aking katotohanan, ang Aking daan, at ang Aking buhay, kundi mga pangitain at paghahayag na higit pa sa natanggap ni Juan. Naunawaan ninyo ang higit na maraming misteryo, at nakita na rin ang Aking tunay na mukha; higit pa ang natanggap ninyo sa Aking paghatol at higit pa ang nakilala ninyo tungkol sa Aking matuwid na disposisyon. Kung kaya, kahit na ipinanganak kayo sa mga huling araw, nauunawaan ninyo ang mga bagay na nauna at ang mga bagay sa nakalipas, at naranasan na rin ninyo ang mga bagay sa kasalukuyan, na personal Kong ginawa. Hindi labis ang hinihingi Ko sa inyo, sapagkat napakarami Ko nang naibigay sa inyo, at napakarami na ninyong nakita sa Akin. Samakatwid, hinihingi Ko sa inyong magpatotoo para sa Akin sa mga banal ng mga nagdaang kapanahunan, at ito lamang ang nais ng Aking puso.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananalig?

482. Ang nais Ko ay ang iyong katapatan at pagpapasakop ngayon, ang iyong pagmamahal at patotoo ngayon. Kahit na hindi mo pa alam sa sandaling ito kung ano ang patotoo o kung ano ang pagmamahal, dapat mong ibigay sa Akin ang iyong lahat-lahat, at ipagkatiwala sa Akin ang tanging mga kayamanan na mayroon ka: ang iyong katapatan at pagpapasakop. Dapat mong malaman na ang patotoo sa Aking paggapi kay Satanas ay nasa katapatan at pagpapasakop ng tao, gayundin ang patotoo sa Aking ganap na paglupig sa tao. Ang tungkulin ng iyong pananalig sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin at wala nang iba, at maging mapagpasakop hanggang sa huli. Bago Ko simulan ang susunod na hakbang ng Aking gawain, paano ka dapat magpatotoo sa Akin? Paano ka dapat maging tapat at mapagpasakop sa Akin? Magpapakita ka ba ng debosyon sa iyong gampanin o basta ka na lang susuko? Mas nanaisin mo bang magpasakop sa bawat pagsasaayos Ko (maging ito man ay kamatayan o pagkawasak), o tumakas sa kalagitnaan upang maiwasan ang Aking pagkastigo? Kinakastigo kita upang ikaw ay magpatotoo sa Akin, at maging tapat at mapagpasakop sa Akin. Maaari ding sabihin na ang kasalukuyang pagkastigo ay alang-alang sa pagsasakatuparan ng susunod na hakbang ng Aking gawain, at sa walang-hadlang na pag-usad ng gawain sa hinaharap. Kaya, hinihikayat kita na maging matalino at huwag mong ituring ang iyong buhay ni ang kabuluhan ng iyong pag-iral bilang walang-halagang buhangin. Maaari mo bang malaman nang eksakto kung ano ang magiging gawain Ko sa hinaharap? Alam mo ba kung paano Ako gagawa at kung paano isasakatuparan ang Aking gawain sa mga darating na araw? Dapat mong malaman ang kabuluhan ng pagdanas sa Aking gawain, at lalo na ang kabuluhan ng pananampalataya sa Akin. Nakagawa na Ako ng napakaraming gawain—paano Ako susuko sa kalagitnaan, gaya ng iniisip mo? Nagpasimula Ako ng napakalaking proyekto—paanong wawasakin Ko ito? Totoo na naparito Ako upang wakasan ang kapanahunang ito, ngunit mas mahalaga, dapat mong malaman na magsisimula Ako ng isang bagong kapanahunan, magsasakatuparan ng bagong gawain, at higit pa rito, magpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Kaya dapat mong malaman na ang kasalukuyang gawain ay para lamang magsimula ng isang kapanahunan at maglatag ng pundasyon para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa panahong darating at sa pagwawakas ng kapanahunan sa hinaharap. Ang Aking gawain ay hindi kasingsimple ng iniisip mo, ni hindi ito kasingwalang-halaga o kasingwalang-kabuluhan gaya ng maaari mong paniwalaan. Samakatwid, kailangan Ko pa ring sabihin sa iyo: Dapat mong ialay ang iyong sarili sa Aking gawain, at higit pa rito, dapat mong igugol ang iyong sarili alang-alang sa Aking kaluwalhatian. Ang lalo Ko pang matagal nang inaasam ay ang magpatotoo ka sa Akin; at higit pa rito, naghintay Ako nang napakatagal upang makita kang nagpapalaganap ng Aking ebanghelyo. Dapat mong maunawaan kung ano ang nasa Aking puso.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananalig?

483. Nagagawa mo bang ipabatid ang disposisyong ipinahayag ng Diyos sa bawat kapanahunan sa isang kongkretong paraan, gamit ang wikang angkop at nagtataglay ng kabuluhan ng kapanahunang iyon? Ikaw ba, na nakakaranas ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, ay may kakayahan na detalyadong ilarawan ang matuwid na disposisyon ng Diyos? Malinaw at tumpak ka bang makapagpapatotoo sa disposisyon ng Diyos? Paano mo sasabihin ang iyong nakita at naranasan sa nakakaawa, dukha, at debotong relihiyosong mga mananampalataya na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran at naghihintay sa iyo na pastulan sila? Anong uri ng mga tao ang naghihintay sa iyo na pastulan sila? Naiisip mo ba? Alam mo ba ang pasaning nasa iyong mga balikat, ang iyong atas, at ang iyong responsabilidad? Nasaan ang iyong kamalayan sa makasaysayang misyon? Paano ka magsisilbi nang wasto bilang isang panginoon ng susunod na kapanahunan? Mayroon ka bang malakas na pakiramdam ng pagiging panginoon? Paano dapat ipaliwanag ang panginoon ng lahat ng bagay? Ito ba talaga ang panginoon ng lahat ng nabubuhay na nilalang at lahat ng pisikal na bagay sa mundo? Ano ang mga plano mo para sa pag-usad ng susunod na yugto ng gawain? Ilang tao ang naghihintay sa iyo na pastulan sila? Mabigat ba ang iyong gampanin? Sila ay dukha, kaawa-awa, bulag, at hindi alam ang gagawin, tumatangis sa kadiliman—nasaan ang daan? Lubha silang nananabik sa liwanag, tulad ng isang bulalakaw, na biglang bababa at magtataboy ng mga puwersa ng kadiliman na nang-api sa tao sa loob ng maraming taon. Sila ay balisang umaasa, at nananabik, araw at gabi, para dito—sino ang ganap na makaaalam nito? Kahit sa araw na nagdaraan nang mabilis ang liwanag, ang mga taong ito na labis na nagdurusa ay nananatiling nakakulong sa isang madilim na piitan nang walang pag-asang mapalaya; kailan sila titigil sa pagtangis? Malubha ang kasawian ng marurupok na espiritung ito na hindi kailanman napagkalooban ng kapahingahan, at matagal nang nananatiling nakagapos sa kalagayang ito ng walang-awang mga gapos at napakong kasaysayan. At sino na ang nakarinig sa tunog ng kanilang pagtangis? Sino na ang nakakita sa kanilang miserableng kalagayan? Naisip mo na ba kung gaano kalungkot at kabalisa ang puso ng Diyos? Paano Niya matitiis na makita ang inosenteng sangkatauhan, na nilikha ng sarili Niyang mga kamay, na nagdurusa ng gayong pagpapahirap? Kunsabagay, ang sangkatauhan ang mga biktimang nalason na. At bagama’t nanatiling buhay ang tao hanggang sa araw na ito, sino ang nakaaalam na matagal nang nalason ng masama ang sangkatauhan? Nalimutan mo na ba na isa ka sa mga biktima? Hindi ka ba handang magsikap, dala ng iyong pagmamahal sa Diyos, na iligtas ang lahat ng natirang buhay na ito? Hindi ka ba handang ilaan ang lahat ng iyong lakas upang suklian ang Diyos, na nagmamahal sa sangkatauhan na parang sarili Niyang dugo’t laman? Paano mo ba talaga naaarok ang paggamit sa iyo ng Diyos upang maipamuhay mo ang iyong ekstraordinaryong buhay? Talaga bang mayroon kang determinasyon at pananalig na ipamuhay ang makabuluhang buhay ng isang taong deboto at mapaglingkod sa Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Asikasuhin ang Misyon Mo sa Hinaharap?

484. Ang pagpapatotoo sa Diyos, sa pangunahin, ay patungkol sa pagsasalita hinggil sa iyong pagkakilala sa gawain ng Diyos, kung paano nilulupig ng Diyos ang mga tao, kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, kung paano Niya binabago ang mga tao; patungkol ito sa pagsasalita kung paano Niya ginagabayan ang mga tao sa pagpasok sa katotohanang realidad, na nagtutulot sa kanila na malupig, maperpekto, at mailigtas Niya. Ang pagpapatotoo ay nangangahulugan ng pagsasalita tungkol sa Kanyang gawain at lahat ng naranasan mo. Tanging ang Kanyang gawain ang kayang kumatawan sa Kanya, at tanging ang Kanyang gawain ang kayang magbunyag sa Kanya sa publiko, sa Kanyang kabuuan; ang Kanyang gawain ay nagpapatotoo sa Kanya. Ang Kanyang gawain at mga pagbigkas ay direktang kumakatawan sa Espiritu; ang gawaing ginagawa Niya ay isinasakatuparan ng Espiritu, at ang mga salitang sinasambit Niya ay sinasalita ng Espiritu. Sadya lamang na ang mga bagay na ito ay ipinapahayag sa pamamagitan ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Sa realidad, mga pagpapahayag ito ng Espiritu. Lahat ng gawaing ginagawa Niya at lahat ng salitang sinasambit Niya ay kumakatawan sa Kanyang diwa. Kung, matapos bihisan ang Kanyang sarili ng laman at pumarito sa gitna ng tao, hindi nagsalita o gumawa ang Diyos, at pagkatapos ay inutusan kayong kilalanin ang Kanyang pagiging praktikal, Kanyang pagiging normal, at Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, magagawa mo ba? Magagawa mo bang kilalanin kung ano ang diwa ng Espiritu? Magagawa mo bang kilalanin kung ano ang kalikasan ng Kanyang katawang-tao? Dahil lamang sa naranasan ninyo ang bawat hakbang ng Kanyang gawain kaya Niya kayo hinihingan na magpatotoo para sa Kanya. Kung wala kayong gayong karanasan, hindi Niya kayo pipiliting magpatotoo. Sa gayon, kapag nagpapatotoo ka sa Diyos, hindi mo lamang patototohanan ang Kanyang panlabas na anyo ng normal na pagkatao, sa halip patototohanan mo ang gawaing Kanyang ginagawa at ang landas na pinangungunahan Niya; patototohanan mo kung paano ka Niya nalupig at sa anong mga aspekto ka nagawang perpekto. Ito ang klase ng patotoo na dapat mong ibigay. … Nakaranas ka ng sunod-sunod na hakbang ng pagkastigo, paghatol, pagpipino, mga pagsubok, mga pagkabigo, at mga kapighatian, at nalupig ka na; nabitiwan mo na ang kinabukasan ng laman, ang iyong mga personal na motibo, at ang mga personal na interes ng laman. Sa madaling salita, lubos nang nalupig ng mga salita ng Diyos ang iyong puso. Bagama’t hindi ka lumago sa iyong buhay na katulad ng hinihingi Niya, kilala mo ang lahat ng bagay na ito at lubos kang kumbinsido sa ginagawa Niya. Ito ay patotoo—praktikal na patotoo! Pumarito Siya para gawin ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang lupigin ang tao; ngunit pumarito din Siya para tapusin ang Kanyang gawain, para wakasan ang kapanahunan, at isakatuparan ang gawain ng pagtatapos—para wakasan ang buong kapanahunan, iligtas ang buong sangkatauhan, lubusang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan, at lubos na kamtin ang sangkatauhang Kanyang nilikha. Dapat mong patotohanan ang lahat ng ito. Napakarami mo nang naranasan sa gawain ng Diyos, nakita na ito ng sarili mong mga mata at personal mo itong naranasan; huwag kang mabigo sa huli na gampanan ang papel na nakaatas sa iyo. Sayang iyon! Sa hinaharap, kapag pinalalaganap ang ebanghelyo, dapat mong makayang magsalita tungkol sa sarili mong pagkakilala, magpatotoo sa lahat ng iyong natamo sa puso mo, at gawin ang lahat. Ito ang dapat maabot ng isang nilikha. Ano mismo ang kahalagahan ng yugtong ito ng gawain ng Diyos? Ano ang epekto nito? At gaano karami nito ang naisakatuparan sa tao? Ano ang dapat gawin ng mga tao? Kapag kaya ninyong lubusang ipaliwanag ang lahat ng gawaing nagawa ng Diyos na nagkatawang-tao simula nang pumarito sa lupa, magiging kompleto ang inyong patotoo. Kapag kaya mong lubusang ipaliwanag ang limang bagay na ito: ang kabuluhan ng Kanyang gawain; ang mga nilalaman nito; ang diwa nito; ang disposisyon na kinakatawan nito; at ang mga prinsipyo nito, patutunayan nito na kaya mong magpatotoo sa Diyos, na tunay kang nagtataglay ng pagkakilala. Ang Aking mga hinihingi sa inyo ay hindi napakataas, at maaabot ng lahat ng naghahangad nang may tunay na puso. Kung mayroon kang determinasyon na maging isa sa mga tagapagpatotoo ng Diyos, kailangan mong maunawaan kung ano ang kinapopootan ng Diyos at kung ano ang minamahal ng Diyos. Naranasan mo na ang marami sa Kanyang gawain; sa pamamagitan ng gawaing ito, kailangan mong makilala ang Kanyang disposisyon, maunawaan ang Kanyang mga layunin at Kanyang mga hinihingi sa sangkatauhan, at gamitin ang pagkakilalang ito upang magpatotoo sa Kanya at tuparin ang iyong tungkulin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (7)

485. Nakakuha kayo ng ilang pakinabang mula sa pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at nagkaroon ng ilang tunay na karanasan, kaya dapat kayong magpatotoo sa Diyos. Kapag nagpapatotoo sa Diyos, dapat pangunahin kayong magsalita tungkol sa kung paano kayo hinahatulan at kinakastigo ng Diyos, at kung anong mga pagsubok ang ginagamit Niya para pinuhin kayo at baguhin ang inyong mga disposisyon. Dapat din kayong magsalita tungkol sa kung gaano karaming katiwalian ang naibunyag ninyo, anong mga kuru-kuro ang nabuo ninyo tungkol sa Diyos, at anong mga bagay ang ginawa ninyo para labanan ang Diyos sa buong karanasan ninyo, pati na kung paano kayo tuluyang nalupig ng Diyos, anong tunay na kaalaman ang nakamit ninyo sa gawain ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpatotoo para sa Diyos para suklian Siya dahil sa Kanyang pagmamahal. Dapat ninyong lagyan ng diwa ang mga salitang ito, habang nagsasalita sa mga payak na termino. Huwag pag-usapan ang mga hungkag na teorya. Magsabi kayo ng isang bagay na totoo, isang bagay na taos-puso. Ang pagpapatotoo lang sa Diyos sa ganitong paraan ang nararapat. Huwag kayong maghanda ng mga tila malalim at hungkag na teorya para magpakitang-gilas; sa paggawa nito ay nagmumukha kayong labis na mapagmataas at walang-katwiran. Dapat ay magsalita kayo nang higit tungkol sa mga tunay na bagay mula sa aktuwal ninyong karanasan, at mas magsalita nang mula sa puso; ito ang pinakakapaki-pakinabang sa iba, at ang nakikita nilang pinakanararapat din. Dati ay mga tao kayong pinakalumalaban sa Diyos, mga pinakamalabong magpasakop sa Diyos, ngunit ngayon kayo ay nalupig—huwag ninyong kalilimutan iyan. Dapat pagbulay-bulayan at pag-isipan ninyo ang mga usaping ito nang higit pa. Sa sandaling maunawaan ng mga tao ang mga ito nang malinaw, malalaman nila kung paano magpatotoo, kung hindi, malamang na makagawa sila ng kahiya-hiyang mga kilos na walang katwiran, na hindi nagpapatotoo sa Diyos, kundi sa halip ay nagbibigay ng kahihiyan sa Diyos. Kung walang tunay na mga karanasan at pagkaunawa sa katotohanan, imposible na makapagpatotoo para sa Diyos. Ang mga taong magulo at lito ang pananalig sa Diyos ay hindi kailanman makapagpapatotoo sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahangad sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon

486. Para makapagpatotoo sa gawain ng Diyos, kailangan mong umasa sa iyong karanasan, pagkilala, at halagang ibinayad mo. Saka mo lamang matutugunan ang Kanyang mga layunin. Ikaw ba ay isang taong nagpapatotoo sa gawain ng Diyos? Mayroon ka ba ng ganitong kapasyahan? Kung nagagawa mong magpatotoo sa Kanyang pangalan, at higit pa, sa Kanyang gawain, at kung naisasabuhay mo ang wangis ng Kanyang mga tao na hinihingi Niya, isa kang saksi para sa Diyos! Paano ka nga ba nagpapatotoo sa Diyos? Kung hinahangad at kinasasabikan mong isabuhay ang salita ng Diyos, at magpatotoo gamit ang sarili mong bibig, upang malaman ng mga tao ang Kanyang gawain at makita nila ang Kanyang mga gawa—kung tunay mong hinahangad ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung ang tanging hinahangad mo ay magawang perpekto ng Diyos at pagpalain sa pinakahuli, hindi dalisay ang perspektiba ng iyong pananalig sa Diyos. Dapat mong hangarin kung paano makita ang mga gawa ng Diyos sa tunay na buhay, kung paano Siya mapapalugod kapag ibinubunyag Niya sa iyo ang Kanyang mga layunin, at hangarin kung paano ka dapat magpatotoo tungkol sa Kanyang pagiging kamangha-mangha at karunungan, at kung paano magpatotoo sa kung paano ka Niya dinidisiplina at pinupungusan. Lahat ng ito ay mga bagay na dapat mong pinagninilayan ngayon. Kung ang mapagmahal-sa-Diyos na puso mo ay para lamang makapagkamit ka ng kaluwalhatian kasama ang Diyos matapos ka Niyang gawing perpekto, hindi pa rin ito sapat at hindi makakatugon sa mga hinihingi ng Diyos. Kailangan mong magawang magpatotoo sa gawain ng Diyos, matugunan ang Kanyang mga hinihingi, at maranasan ang gawaing Kanyang ginagawa sa mga tao sa isang praktikal na paraan. Pasakit man, mga luha, o pighati, kailangan mong praktikal na maranasan ang lahat ng bagay na ito. Layon ng mga ito na gawin kang perpekto bilang isang saksi ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

487. Bagama’t ang inyong pananalig ay lubhang taos-puso, walang sinuman sa inyo ang kayang lubusang ipaliwanag Ako, walang sinumang makakapagbigay ng patotoo sa lahat ng katunayang nakikita ninyo. Pag-isipan ninyo ito: Ngayon, karamihan sa inyo ay hindi nag-aasikaso ng mga wastong gampanin, sa halip ay hinahangad ninyo ang laman, binibigyang-kasiyahan ang laman, at nagpapakasasa sa laman. Kakaunti ang taglay ninyong katotohanan. Kung gayon, paano kayo magpapatotoo sa lahat ng nakita ninyo? Talaga bang may kumpiyansa kayo na kaya ninyong maging mga saksi Ko? Kung dumating ang isang araw na hindi mo mapatotohanan ang lahat ng nakita mo ngayon, kung gayon ay mawawalan ka na ng papel ng isang nilikha, at mawawalan na ng anumang kahulugan ang iyong pananatiling buhay. Hindi ka magiging karapat-dapat na maging tao. Masasabi pa na hindi ka tao! Napakarami na ng nagawa Kong di-masukat na gawain sa inyo, ngunit dahil sa kasalukuyan ay hindi mo kailanman sinusubukan na matutuhan ang anumang bagay at nananatili kang mangmang sa lahat ng bagay, at nagtatrabaho ka nang walang saysay, kapag panahon na para ipalaganap ang Aking gawain, tititig ka lamang sa kawalan, walang imik at lubos na walang-silbi. Kung gayon, hindi ba’t maaalala ka sa kasaysayan bilang isang makasalanan? Pagdating ng panahong iyon, hindi mo ba madarama ang pinakamatinding pagsisisi? Hindi ka ba manlulumo? Hindi Ko ginagawa ang lahat ng Aking gawain ngayon nang dahil sa kawalang-gawain at pagkainip, kundi upang maglatag ng isang pundasyon para sa Aking gawain sa hinaharap. Hindi naman sa wala na Akong patutunguhan at kailangan Kong makabuo ng isang bagay na bago. Dapat mong maunawaan ang gawaing ginagawa Ko; hindi ito isang bagay na ginagawa ng isang batang naglalaro sa kalye, kundi isang gawaing ginagawa bilang kinatawan ng Aking Ama. Dapat ninyong malaman na hindi Ako Mismo ang gumagawa ng lahat ng ito; sa halip, kinakatawan Ko ang Aking Ama. Samantala, ang papel lang ninyo ay ang sumunod, magpasakop, magbago, at magbigay ng patotoo. Ang dapat ninyong maunawaan ay kung bakit kayo dapat manampalataya sa Akin; ito ang pinakamahalagang tanong na dapat maunawaan ng bawat isa sa inyo. Ang Aking Ama, alang-alang sa Kanyang kaluwalhatian, ay paunang itinadhana kayong lahat para sa Akin mula sa sandaling nilikha Niya ang mundo. Para iyon sa kapakanan ng Aking gawain, at para sa kapakanan ng Kanyang kaluwalhatian, kaya Niya kayo paunang itinadhana. Dahil sa Aking Ama kaya kayo nananampalataya sa Akin; dahil sa paunang pagtatadhana ng Aking Ama kaya kayo sumusunod sa Akin. Wala sa mga ito ang nagmula sa sarili ninyong pagpapasya. Ang mas mahalaga pa ay dapat maunawaan ninyo na kayo ang siyang ipinagkaloob sa Akin ng Aking Ama para sa layon ng pagpapatotoo sa Akin. Dahil ipinagkaloob Niya kayo sa Akin, dapat kayong sumunod sa daan na ipinagkakaloob Ko sa inyo, gayundin sa daan at sa mga salitang itinuturo Ko sa inyo, sapagkat tungkulin ninyong sumunod sa Aking daan, at ito ang orihinal na layunin ng inyong pananalig sa Akin. Samakatwid, sinasabi Ko sa inyo ito: Kayo ay mga tao lamang na ipinagkaloob ng Aking Ama sa Akin upang sumunod sa Aking daan. Gayumpaman, nananampalataya lamang kayo sa Akin, pero hindi kayo nabibilang sa Akin, sapagkat hindi kayo nanggaling sa pamilyang Israelita, at sa halip ay kauri kayo ng sinaunang ahas. Ang hinihiling Ko lamang na gawin ninyo ay magpatotoo para sa Akin, ngunit ngayon ay kailangan ninyong sumunod sa Aking daan. Lahat ng ito ay alang-alang sa patotoo sa hinaharap. Kung nakikinig lamang kayo sa Aking daan, walang saysay iyon, at ang kabuluhan ng pagkakaloob sa inyo ng Aking Ama sa Akin ay mawawala. Ang nais Ko pa ring sabihin sa inyo ay ito: Dapat kayong sumunod sa Aking daan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Pagkakilala Mo sa Diyos?

Sinundan: K. Tungkol sa Paano Matamo ang Kaalaman sa Diyos

Sumunod: M. Tungkol sa Paano Maiwaksi ang Impluwensya ni Satanas at Makamit ang Kaligtasan

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito