Pagpasok sa Buhay I

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 374

Ang Makapangyarihang Diyos, ang Pinuno ng lahat ng bagay, ay gumagamit ng Kanyang kapangyarihan bilang hari mula sa Kanyang luklukan. Namumuno Siya sa sansinukob at sa lahat ng bagay, at ginagabayan Niya tayo sa buong daigdig. Maging malapit tayo sa Kanya sa bawat sandali, at humarap sa Kanya nang tahimik, na hindi nagsasayang kailanman ni isang sandali, at may mga aral tayong dapat matutuhan sa lahat ng oras. Lahat, mula sa kapaligirang nakapalibot sa atin hanggang sa mga tao, pangyayari, at bagay, ay umiiral sa pahintulot ng Kanyang luklukan. Huwag hayaang magkaroon ng hinaing sa inyong puso sa anumang dahilan, kung hindi ay hindi ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang Kanyang biyaya. Kapag dumapo ang karamdaman, ito ay pagmamahal ng Diyos, at tiyak na ang Kanyang mabubuting layunin ay nakapaloob dito. Bagama’t maaaring medyo nahihirapan ang iyong katawan, huwag kang tumanggap ng mga ideya mula kay Satanas. Purihin ang Diyos sa gitna ng iyong karamdaman at tamasahin ang Diyos sa gitna ng iyong papuri. Huwag mawalan ng pag-asa kapag nagkaroon ka ng karamdaman, patuloy na maghanap nang maghanap at huwag susuko kailanman, at tatanglawan ka ng Diyos ng Kanyang liwanag. Gaano ba ang pananampalataya ni Job? Ang Makapangyarihang Diyos ay isang manggagamot na makapangyarihan sa lahat! Ang manahan sa karamdaman ay ang magkasakit, subalit ang manahan sa espiritu ay ang gumaling. Hangga’t may natitira kang hininga, hindi ka hahayaan ng Diyos na mamatay.

Nasa ating kalooban ang muling nabuhay na buhay ni Cristo. Hindi maikakaila na kulang ang ating pananampalataya sa presensya ng Diyos: Nawa’y pagkalooban tayo ng Diyos ng tunay na pananampalataya sa ating kalooban. Tunay ngang matamis ang salita ng Diyos! Ang salita ng Diyos ay mabisang gamot! Hinihiya nito ang mga diyablo at si Satanas! Ang pag-unawa sa salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng suporta. Mabilis na kumikilos ang Kanyang salita para iligtas ang ating puso! Iwinawaksi nito ang lahat ng bagay at pinapayapa ang lahat. Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting saloobin, iyon ay dahil naloko siya ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos. Sinusubukan ni Satanas ang lahat ng posibleng paraan para ipadala sa atin ang mga ideyang ito. Dapat nating ipanalangin sa Diyos sa bawat sandali na tanglawan tayo ng Kanyang liwanag, umasa sa Diyos sa bawat sandali na alisin ang lason ni Satanas mula sa ating kalooban, magsagawa sa ating espiritu sa bawat sandali kung paano mapalapit sa Diyos, at hayaang magkaroon ang Diyos ng kapamahalaan sa ating buong katauhan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 375

Kapag ang mga tao ay walang kabatiran sa mga bagay-bagay na nangyayari sa kanila, at hindi nila alam ang gagawin, ano ang unang bagay na dapat nilang gawin? Dapat ay manalangin muna sila; unahin ang panalangin. Ano ang ibig sabihin ng pagdarasal mo? Ang ibig sabihin nito ay tapat ka, na mayroon kang pusong may kaunting takot sa Diyos, na batid mong dapat mong hanapin ang Diyos, at pinatutunayan nito na inuuna mo ang Diyos. Kapag ang Diyos ay nasa puso mo, kapag may puwang ang Diyos sa puso mo, at nagagawa mong sundin ang Diyos, ikaw ay isang tapat na Kristiyano. Maraming nakatatandang mananampalataya ang lumuluhod sa panalangin sa parehong oras at lugar araw-araw, at nananatili roon sa loob ng isa o dalawang oras. Ngunit halos wala sa mga problema nila sa kasalanan ang nalutas sa pamamagitan ng pagluhod nang ganito sa lahat ng nagdaang mga taon. Isantabi natin pansamantala, kung ang ganitong panalangin ba—ang panalangin ng seremonyang panrelihiyon—ay may anumang silbi. Kahit papaano ay medyo tapat ang mga nakatatandang kapatid na ito; sa puntong ito, higit na mas mabuti sila kaysa sa mga kabataan. Kung namumuhay ka sa harapan ng Diyos at nararanasan ang gawain ng Diyos, ang unang bagay na dapat mong gawin kapag may nangyayari sa iyo ay manalangin. Ang pagdarasal ay hindi nangangahulugan na basta-basta lang binibigkas ang ilang salitang madalas na inuulit, at wala nang iba pa—hindi nito malulutas ang problema. Kailangan mong magsanay na magdasal nang buong puso mo. Matapos itong gawin nang walo o sampung beses, maaaring wala kang matamo na kahit ano, ngunit huwag panghinaan ng loob, patuloy na sumubok. Kapag may nangyayari sa iyo, manalangin muna, sabihin muna ito sa Diyos, hayaang ang Diyos ang manguna, hayaang tulungan ka ng Diyos, hayaang akayin ka ng Diyos at bigyan ka ng patnubay; patutunayan nito na mayroon kang pusong may takot sa Diyos, na inuuna mo ang Diyos. Kapag may nangyayari sa iyo o nahaharap ka sa ilang paghihirap at ikaw ay negatibo, at nagagalit, ito ay pagpapamalas na wala ang Diyos sa puso mo, na wala kang takot sa Diyos. Sa pang-araw-araw mong buhay, anumang mga paghihirap ang kinakaharap mo, dapat kang lumapit sa harapan ng Diyos; ang unang bagay na dapat mong gawin ay lumuhod sa harap ng Diyos sa panalangin, ito ang pinakamahalaga. Ang ibig sabihin ng pagdarasal ay may puwang ang Diyos sa puso mo. Kapag nahihirapan ka, ang pagtunghay sa Diyos at pagdarasal sa Diyos para mahanap ang katotohanan ay nagpapakita na mayroon kang pusong may kaunting takot sa Diyos; hindi mo iyon gagawin kung wala ang Diyos sa puso mo. Sinasabi ng ilang tao, “Nanalangin ako sa Diyos pero hindi pa rin ako binigyang-liwanag ng Diyos!” Hindi mo maaaring sabihin iyon. Dapat ay tingnan mo muna kung mayroon kang mga tamang motibasyon kapag nananalangin ka; kung totoong naghahanap ka ng katotohanan, at madalas kang nananalangin sa Diyos, malamang na may isang bagay na binigyang-liwanag sa iyo at ipinaunawa sa iyo ng Diyos; anuman ang sitwasyon, ipapaunawa ito sa iyo ng Diyos. Kung hindi ka binibigyang-liwanag ng Diyos, hindi mo magagawang makaunawa nang mag-isa; may kabatiran ka man o wala, at anuman ang kakayahan mo, may ilang bagay na lagpas sa maiisip ng tao. Kapag nakakaunawa ka, mula ba ito sa sarili mong pag-iisip? Pagdating sa mga layunin ng gawain ng Banal na Espiritu at ng Diyos, kung ikaw ay hindi binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, maaari mong tanungin ang sinuman pero hindi nila ito malalaman; malalaman mo lamang ito kapag ang Diyos Mismo ang nagsabi sa iyo ng ibig sabihin nito. Kaya ang unang bagay na dapat gawin kapag may nangyayari sa iyo ay manalangin. Kapag nagdarasal ka, dapat mong ipahayag ang iyong mga iniisip, pananaw at saloobin sa Diyos, at hanapin ang katotohanan mula sa Diyos, nang may kaisipan ng pagsunod; ito ang dapat mong isagawa. Ang paggawa nang pabasta-basta ay walang magiging epekto, at hindi ka dapat magreklamo na hindi ka binigyang-liwanag ng Banal na Espiritu. Nalaman Ko na sa kanilang pananampalataya sa Diyos, ang ilang tao ay sumusunod lamang sa seremonyang panrelihiyon at nagsasagawa ng mga gawaing panrelihiyon; walang puwang ang Diyos sa kanilang puso, itinatanggi pa nga nila ang gawain ng Banal na Espiritu, at hindi rin sila nagdarasal, ni nagbabasa ng mga salita ng Diyos, patuloy lang sila na dumadalo sa mga pagtitipon, at wala nang iba pa. Pananampalataya ba ito sa Diyos? Sa paniniwalang tulad ng ginagawa nila, nawala na ang Diyos sa kanilang pananampalataya, walang Diyos sa kanilang mga puso, hindi na nila ninanais na manalangin pa sa Diyos, at hindi na nila gustong basahin ang mga salita ng Diyos. Kung ganito, hindi ba’t sila ay naging mga hindi nananalig? Sa partikular, ang ilang lider at manggagawa ay madalas na nag-aasikaso ng mga pangkalahatang gawain. Hindi nila pinagtutuunan kailanman ang pagpasok sa buhay, kundi sa halip ay tinatrato ang mga pangkalahatang gawaing ito bilang gawain sa kanilang tungkulin; kung ganito, sila ay naging mga punong kleriko lamang at wala nang iba pa, at wala silang ginagawang anumang mahalagang gawain ng mga lider at manggagawa. Bunga nito, matapos manalig sa Diyos sa loob ng dalawampu o tatlumpung taon, wala silang masasabing mga karanasan sa buhay, wala silang anumang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, at kaya lamang nilang ulitin ang ilang salita ng doktrina. At kung ganito, hindi ba’t naging mga huwad na lider sila? Ito ay dahil may pananampalataya sila sa Diyos, ngunit hindi nila inaasikaso ang mga tunay nilang tungkulin o hinahangad ang katotohanan. Walang malulutas na anuman ang pag-asa lamang sa pag-unawa sa mga salita ng doktrina. Ang pagrereklamo tungkol sa Diyos kapag sinusubok sila, o dumaranas ng sakuna, o nagkakasakit, hindi pagkakaroon ng anumang tunay na pagkakilala sa kanilang sarili, at kawalan ng karanasan at patotoo—ipinapakita ng lahat ng ito na ang mga tao ay hindi hinangad ang katotohanan sa mga taon na naniniwala sila sa Diyos, na inabala lamang nila ang mga sarili nila sa mga bagay na walang kabuluhan, na ang resulta ay napagkaitan nila ang kanilang mga sarili. Ilang taon mang naniniwala ang mga tao sa Diyos, dapat ay magtamo man lang sila ng pagkaunawa sa ilang katotohanan kung nais nilang matiyak na hindi sila babagsak, hindi makagagawa ng kasamaan, hindi mapapalayas. Dapat makita sa kanila kahit man lang ang mga bagay na ito. Ang ilang tao ay nananatiling walang pakialam kapag nakikinig sila ng mga sermon, at hindi pinagninilayan ang mga salita ng Diyos, hindi nila hinahanap ang katotohanan anuman ang mangyari sa kanila, kontento na sila na maunawaan lamang ang mga salita ng doktrina, at ipinapalagay nila na natamo na nila ang katotohanan—bunga nito ay wala silang kaalaman kapag sinusubok sila, ang kanilang puso ay puno ng mga hinanakit at reklamo, bagama’t gusto nilang sabihin ang mga ito ay hindi sila nangangahas. Kahabag-habag talaga ang ganitong mga tao, hindi ba? Maraming tao ang palaging walang ingat at pabasta-basta kapag ginagampanan nila ang tungkulin nila, hindi nila pinagninilayan o sinusubukang kilalanin ang mga sarili nila kapag sila ay tinatabasan at iwinawasto, palagi silang nangangatwiran—bunga nito, sa huli ay naipapahiya nila ang kanilang mga sarili sa lahat ng paraan, sila ay nalalantad at pinalalayas, at hindi nila kailanman nakikilala ang kanilang sarili. Sa ganitong sitwasyon, ano ang halaga ng pagkaunawa nila sa ilang doktrina? Wala talaga itong halaga. Ilang taon mang naniniwala ang mga tao sa Diyos, walang saysay ang maunawaan lamang ang doktrina at maulit ang mga salita at kataga; hindi nila natamo ang katotohanan, kundi naligaw sila. Kaya, kapag may nangyayari sa iyo at nananalangin ka sa Diyos, hinahanap ang mga layunin ng Diyos, kung ang mga problema ay dapat lutasin, ang susi ay ang magkaroon ng pagkaunawa sa katotohanan; ito ang tamang landas, at hindi ka dapat sumuko sa pagsasagawa sa ganitong paraan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, Pinakamahalaga ang Pagkakamit ng Katotohanan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 376

Ang pinakadakilang karunungan ay ang humingi ng tulong at umasa sa Diyos sa lahat ng bagay. Hindi ito kinikilala ng mga ordinaryong tao. Iniisip ng lahat ng tao na sa pagdalo sa mas maraming pagtitipon, pakikinig sa mas maraming sermon, higit pang pakikipagbahaginan sa kanilang mga kapatid, pagtalikod sa mas maraming bagay, higit pang pagdurusa, at higit na pagbabayad ng halaga, ay matatamo nila ang pagsang-ayon at pagliligtas ng Diyos. Iniisip nila na ang pagsasagawa sa ganitong paraan ang pinakadakilang karunungan, ngunit kinaliligtaan nila ang pinakamalaking bagay: paghingi ng tulong sa Diyos at pag-asa sa Diyos. Itinuturing nilang karunungan ang munting katalinuhan ng tao, at hindi pinapansin ang pinaka-epekto ng ginagawa ng mga tao. Isang pagkakamali ito. Gaano man kalaking katotohanan ang nauunawaan ng isang tao, gaano man karami ang mga tungkuling kanyang nagampanan, gaano man katindi ang dinanas ng isang tao habang ginagampanan ang mga tungkuling iyon, gaano man kataas o kababa ang katayuan ng isang tao, o ano man ang uri ng kapaligiran ang kanyang kinapapalooban, ang isang hindi dapat mawala sa kanya ay ang humingi ng tulong sa Diyos at umasa sa Diyos sa lahat ng kanyang gagawin. Ito ang pinakadakilang uri ng karunungan. Bakit Ko sinasabing ito ang pinakadakilang karunungan? Kahit pa naunawaan ng isang tao ang ilang katotohanan, sapat na ba ito kung hindi siya aasa sa Diyos? May ilang tao na maraming taon nang naniniwala sa Diyos, at nakaranas na sila ng ilang pagsubok, nagkaroon na ng ilang praktikal na karanasan, naunawaan na ang ilang katotohanan, at nagkaroon na ng ilang praktikal na kaalaman tungkol sa katotohanan, ngunit hindi nila alam kung paano umasa sa Diyos, ni hindi nila nauunawaan kung paano humingi ng tulong sa Diyos at umasa sa Kanya. Nagtataglay ba ng karunungan ang ganoong mga tao? Sila ang pinakahangal sa lahat ng tao, at ang uri na ang palagay sa sarili ay napakatalino nila; hindi sila natatakot sa Diyos at hindi iwinawaksi ang masama. Sinasabi ng ilang tao, “Nauunawaan ko ang maraming katotohanan at nagtataglay ako ng realidad ng katotohanan. Ayos lamang na gawin ang mga bagay sa isang paraang may prinsipyo. Tapat ako sa Diyos, at alam ko kung paano maging malapit sa Diyos. Hindi pa ba sapat na isinasagawa ko ang katotohanan kapag may mga bagay na nangyayari sa akin? Hindi na kailangang magdasal sa Diyos o humingi ng tulong sa Diyos.” Tama ang pagsasagawa ng katotohanan, ngunit maraming pagkakataon at sitwasyon kung saan hindi alam ng mga tao kung anong katotohanan at anong mga prinsipyo ng katotohanan ang pinag-uusapan. Alam ito ng lahat ng may praktikal na karanasan. Halimbawa, kapag may nakakaharap kang ilang isyu, maaaring hindi mo alam kung anong katotohanan ang may kinalaman sa isyu na ito, o kung paano dapat isagawa o gamitin ang katotohanang may kinalaman sa isyu na ito. Ano ang dapat mong gawin sa mga pagkakataong tulad nito? Gaano man karami ang taglay mong praktikal na karanasan, hindi mo makakayang unawain ang mga prinsipyo ng katotohanan sa lahat ng sitwasyon. Gaano ka man katagal nang naniniwala sa Diyos, gaano mang karaming bagay ang naranasan mo, at gaano man karaming pagtatabas, pagwawasto, o pagdidisiplina ang naranasan mo, kahit nauunawaan mo ang katotohanan, nangangahas ka bang magsabi na ikaw ang katotohanan? Nangangahas ka bang magsabi na ikaw ang pinagmumulan ng katotohanan? Sinasabi ng ilang tao: “Alam na alam ko ang mga kilalang pananalita at talatang iyon sa aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao; hindi ko na kailangang umasa sa Diyos o humingi ng tulong sa Kanya. Pagdating ng panahon, magiging maayos ako sa pamamagitan lamang ng pag-asa sa mga salitang ito ng Diyos.” Hindi nagbabago ang mga salitang isinaulo mo, ngunit ang mga kapaligirang nakatagpo mo—gayundin ang iyong mga katayuan—ay pabago-bago. Nagagawa mong bumulalas ng mga salita ng doktrina, ngunit wala kang magawa gamit ang mga iyon kapag may nangyayari sa iyo, na nagpapatunay na hindi mo nauunawaan ang katotohanan. Gaano ka man kahusay sa pagbigkas ng mga salita ng doktrina, hindi ito nangangahulugan na nauunawaan mo ang katotohanan, at lalong hindi mo nagagawang isagawa ang katotohanan. Kaya’t may napakahalagang aral na matututuhan dito. At ano ang aral na ito? Iyon ay ang pangangailangan ng mga tao na humingi ng tulong sa Diyos sa lahat ng bagay, at sa pagsasagawa nito, makakamtan nila ang pag-asa sa Diyos. Sa pag-asa sa Diyos lamang sila magkakaroon ng landas na susundan at ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung hindi magkagayon, may bagay kang magagawa nang tama at nang hindi nilalabag ang katotohanan, ngunit kung hindi ka aasa sa Diyos, kung gayon ang mga pagkilos mo ay mga mabubuting gawa lamang ng tao at hindi makapagpapalugod sa Diyos. Sapagkat may ganoong kababaw na pagkaunawa sa katotohanan ang mga tao, malamang na sumunod sila sa mga tuntunin at pilit na mangunyapit sa mga salita ng doktrina sa pamamagitan ng paggamit ng gayunding katotohanan kapag nahaharap sa iba’t ibang sitwasyon. Posible na makumpleto nila ang maraming bagay bilang pangkalahatang pagsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan, ngunit hindi makikita rito ang patnubay ng Diyos, o ang gawain ng Banal na Espiritu. May malubhang problema rito, iyan ay ang mga tao na nagsasagawa ng maraming bagay na umaasa lamang sa kanilang karanasan at sa mga tuntunin na naunawaan nila, at sa ilang paglalarawan sa isip ng tao. Mahirap makamtan ang tunay na panalangin sa Diyos at tunay na humingi ng tulong sa Diyos at umasa sa Kanya sa lahat ng ginagawa nila. Kahit nauunawaan ng isang tao ang kalooban ng Diyos, mahirap makamtan ang epekto ng pagkilos ayon sa paggabay ng Diyos, at ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Dahil dito, sinasabi Ko na ang pinakadakilang karunungan ay ang humingi ng tulong sa Diyos at umasa sa Kanya sa lahat ng bagay.

Paano makakahingi ng tulong at makakaasa ang mga tao sa Diyos sa lahat ng bagay? Sinasabi ng ilang tao, “Bata pa ako, mababa ang tayog ko, at maikling panahon pa lang akong naniniwala sa Diyos. Hindi ko alam kung paano humingi ng tulong at umasa sa Diyos kapag may nangyayari.” Problema ba ito? Maraming paghihirap sa paniniwala sa Diyos, at kailangan mong dumaan sa maraming pagdurusa, pagsubok, at pasakit. Lahat ng bagay na ito ay nangangailangan ng paghingi ng tulong at pag-asa sa Diyos para makaraos sa mahihirap na sandali. Kung hindi ka makahingi ng tulong at makaasa sa Diyos, hindi ka makakaraos sa mga paghihirap, at hindi mo masusundan ang Diyos. Ang paghingi ng tulong at pag-asa sa Diyos ay hindi isang walang kabuluhang doktrina, ni hindi ito isang mantra para sa paniniwala sa Diyos. Sa halip, ito ay isang mahalagang katotohanan, isang katotohanang dapat mong taglayin para maniwala at sumunod sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Ang paghingi ng tulong at pag-asa sa Diyos ay naaangkop lamang kapag may nangyayaring isang malaking kaganapan. Halimbawa, kailangan mo lamang humingi ng tulong at umasa sa Diyos kapag nahaharap ka sa mga pagdurusa, pagsubok, pagkaaresto, at pag-uusig, o kapag nakakaranas ka ng mga paghihirap sa iyong mga tungkulin, o kapag pinupungusan ka at iwinawasto. Hindi na kailangang humingi ng tulong at umasa sa Diyos para sa mga walang saysay na bagay ng personal na buhay, dahil walang pakialam ang Diyos sa mga iyon.” Tama ba ang pahayag na ito? Talagang hindi ito tama. May paglihis dito. Kailangang humingi ng tulong sa Diyos sa mahahalagang bagay, ngunit makakaya mo ba ang mga walang saysay na bagay at maliliit na bagay sa buhay nang walang mga prinsipyo? Sa mga bagay na tulad ng pagbibihis at pagkain, makakakilos ka ba nang walang mga prinsipyo? Siguradong hindi. Paano naman sa mga pakikitungo mo sa mga tao at bagay-bagay? Siguradong hindi. Maging sa pang-araw-araw na buhay at mga walang saysay na bagay, dapat kang magkaroon man lamang ng mga prinsipyo para maisabuhay ang wangis ng tao. Ang mga problemang kinasasangkutan ng mga prinsipyo ay mga problemang kinasasangkutan ng katotohanan. Maaari bang malutas ng mga tao ang mga ito nang mag-isa? Siyempre, hindi. Kaya, kailangan mong humingi ng tulong at umasa sa Diyos. Kapag nakamit mo ang kaliwanagan ng Diyos at naunawaan ang katotohanan, saka lamang malulutas ang mga walang saysay na problemang ito. Kung hindi kayo hihingi ng tulong at aasa sa Diyos, palagay ba ninyo ay malulutas ang mga isyung ito na kinasasangkutan ng mga prinsipyo? Siguradong hindi madali. Masasabi na sa lahat ng bagay na hindi malinaw na nakikita ng mga tao at na kinakailangan ng mga tao na hanapin ang katotohanan, dapat silang humingi ng tulong at umasa sa Diyos. Gaano man kalaki o kaliit, anumang problemang kailangang lutasin gamit ang katotohanan ay nangangailangan ng paghingi ng tulong at pag-asa sa Diyos. Ito ay isang pangangailangan. Kahit pa nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at kayang lutasin ang mga problema nang mag-isa, ang mga pagkaunawa at solusyong ito ay limitado at mababaw. Kung hindi hihingi ng tulong at aasa sa Diyos ang mga tao, hindi maaaring maging napakalalim ng kanilang pagpasok. Halimbawa, kung maysakit ka ngayon, at nakakaapekto ito sa pagganap mo sa iyong tungkulin, kailangan mong ipagdasal ang bagay na ito at sabihing, “Diyos ko, hindi maganda ang pakiramdam ko ngayon, hindi ako makakain, at nakakaapekto ito sa pagganap ko sa aking tungkulin. Kailangan kong suriin ang aking sarili. Ano ba ang tunay na dahilan ng pagkakasakit ko? Dinidisiplina ba ako ng Diyos sa hindi ko pagiging tapat sa aking tungkulin? Diyos ko, hinihiling kong bigyang-liwanag at gabayan Mo ako.” Dapat kang humiyaw nang ganito. Ito ang paghingi ng tulong sa Diyos. Gayunman, kapag humihingi ka ng tulong sa Diyos, hindi pwedeng basta ka lamang susunod sa mga pormalidad at tuntunin. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, maaantala mo ang mga bagay-bagay. Matapos kang manalangin at humingi ng tulong sa Diyos, dapat mo pa ring ipamuhay ang iyong buhay nang nararapat, nang hindi inaantala ang tungkulin na dapat mong ginagampanan. Kung maysakit ka, dapat kang magpatingin sa doktor, at ito ay nararapat. Kasabay nito, dapat kang manalangin, magnilay sa iyong sarili, at hanapin ang katotohanan para malutas ang problema. Ang pagsasagawang tulad nito lamang ang ganap na angkop. Para sa ilang bagay, kung alam ng mga tao kung paano gawin nang maayos ang mga iyon, dapat nilang gawin ang mga iyon. Ganito dapat makipagtulungan ang mga tao. Gayunman, kung lubos mang makakamtan ang ninanais na epekto at mithiin sa mga bagay na ito ay depende sa paghingi ng tulong at pag-asa sa Diyos. Sa mga problemang hindi nakikita nang malinaw ng mga tao at hindi nila nahaharap nang maayos nang mag-isa, lalo silang dapat humingi ng tulong sa Diyos at hanapin ang katotohanan para malutas ang mga iyon. Ang kakayahang gawin ito ang dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Maraming aral na matututunan sa paghingi ng tulong sa Diyos. Sa proseso ng paghingi ng tulong sa Diyos, maaari kang tumanggap ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at magkakaroon ka ng isang landas, o kung dumating sa iyo ang salita ng Diyos, malalaman mo kung paano makipagtulungan, o marahil ay magsasaayos ang Diyos ng ilang sitwasyon para matuto ka ng mga aral, na mayroong mabubuting layunin ng Diyos. Sa proseso ng paghingi ng tulong sa Diyos, makikita mo ang patnubay at pamumuno ng Diyos, at makakatulong ang mga ito para matuto ka ng maraming aral at magkamit ng higit na pagkaunawa sa Diyos. Ito ang epektong nakakamtan sa paghingi ng tulong sa Diyos. Samakatuwid, ang paghingi ng tulong sa Diyos ay isang aral na dapat matutunan nang madalas ng mga taong sumusunod sa Diyos, at ito ay isang bagay na hinding-hindi nila matatapos na maranasan sa habambuhay. Maraming taong lubhang kakaunti ang karanasan at hindi nakikita ang mga kilos ng Diyos, kaya iniisip nila, “Maraming maliliit na bagay na nagagawa kong mag-isa at kung saan hindi ko kailangang humingi ng tulong sa Diyos.” Mali ito. Ang ilang maliliit na bagay ay humahantong sa malalaking bagay, at nakatago ang kalooban ng Diyos sa ilang maliliit na bagay. Maraming tao ang binabalewala ang maliliit na bagay, at dahil dito, nagkakaroon sila ng malalaking dagok dahil sa maliliit na bagay. Ang mga tunay na may takot sa Diyos, kapwa sa malalaki at maliliit na bagay, ay hihingi ng tulong sa Diyos, mananalangin sa Diyos, ipagkakatiwala ang lahat sa Diyos, at pagkatapos ay titingnan kung paano sila inaaakay at ginagabayan ng Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng gayong karanasan, magagawa mong humingi ng tulong sa Diyos sa lahat ng bagay, at habang lalo mong nararanasan ito, lalo mong madarama na ang paghingi ng tulong sa Diyos sa lahat ng bagay ay napakapraktikal. Kapag humihingi ka ng tulong sa Diyos sa isang bagay, posibleng hindi ka bigyan ng Diyos ng isang damdamin, malinaw na kahulugan, o lalo na ng malilinaw na tagubilin, ngunit ipapaunawa Niya sa iyo ang isang ideya, na may eksaktong kaugnayan sa bagay na ito, at ito ang paggabay ng Diyos sa iyo gamit ang ibang pamamaraan at pagbibigay sa iyo ng isang landas. Kung nadarama at nauunawaan mo ito, makikinabang ka. Maaaring hindi mo nauunawaan ang anumang bagay sa sandaling ito, ngunit dapat kang patuloy na manalangin at humingi ng tulong sa Diyos. Walang mali rito, at sa malao’t madali ay mabibigyang-liwanag ka. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay hindi nangangahulugan ng pagsunod sa mga tuntunin. Sa halip, ito ay pagtugon sa mga pangangailangan ng espiritu, at ganito dapat magsagawa ang mga tao. Maaaring hindi ka makatanggap ng kaliwanagan at patnubay tuwing mananalangin ka at hihingi ng tulong sa Diyos, ngunit dapat magsagawa ang mga tao sa ganitong paraan, at kung nais nilang maunawaan ang katotohanan, kailangan nilang magsagawa sa ganitong paraan. Ito ang normal na kalagayan ng buhay at espiritu, at sa ganitong paraan lamang maaaring mapanatili ng mga tao ang normal na relasyon sa Diyos, upang ang kanilang mga puso ay maging malapit sa Diyos. Samakatuwid ay maaaring masabi na ang paghingi ng tulong sa Diyos ay normal na pakikipag-ugnayan sa Diyos sa puso ng mga tao. Makatanggap ka man ng kaliwanagan at patnubay ng Diyos, dapat kang manalangin at humingi ng tulong sa Diyos sa lahat ng bagay. Ito rin ang hindi maiiwasang paraan ng pamumuhay sa harap ng Diyos. Kapag naniniwala at sumusunod sa Diyos ang mga tao, dapat silang magkaroon ng lagay ng pag-iisip na laging humihingi ng tulong sa Diyos. Ito ang lagay ng pag-iisip na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Paminsan-minsan, ang paghingi ng tulong sa Diyos ay hindi nangangahulugan ng paghingi sa Diyos na gawin ang isang bagay gamit ang tiyak na mga salita, o paghingi sa Kanya ng tiyak na paggabay o pag-iingat. Sa halip, ito ay yaong kapag nakakasagupa ang mga tao ng ilang usapin, nagagawa nilang tumawag sa Kanya nang taimtim. Kaya, ano ang ginagawa ng Diyos kapag tumatawag ang mga tao sa Kanya? Kapag ang puso ng isang tao ay naaantig at naiisip niya ito: “O Diyos, hindi ko ito magagawang mag-isa, hindi ko alam kung paano ito gagawin, at ako ay nanghihina at negatibo…,” kapag sumaisip nila ang saloobing ito, alam ba ito ng Diyos? Kapag naiisip ng mga tao ang saloobing ito, ang mga puso ba nila ay taimtim? Kapag sila ay taimtim na tumatawag sa Diyos sa ganitong paraan, pumapayag ba ang Diyos na tulungan sila? Sa kabila ng katunayan na maaaring hindi sila nakapagsabi kahit isang salita, nagpapakita sila ng kataimtiman, at kaya sumasang-ayon ang Diyos na tulungan sila. Kapag ang isang tao ay nakakasagupa ng isang napakamasalimuot na paghihirap, kapag wala silang sinumang malalapitan, at kapag nadarama nila ang lalong kawalang-pag-asa, nagtitiwala sila sa Diyos bilang kanilang tanging pag-asa. Paano sila nananalangin? Ano ang kalagayan ng kanilang pag-iisip? Sila ba ay taimtim? Mayroon bang anumang di-dalisay sa panahong iyon? Kapag nagtitiwala ka sa Diyos na parang Siya ang huling hibla na makakapitan mo, umaasang tutulungan ka Niya, na taimtim ang iyong puso. Bagama’t maaaring hindi ka gaanong nagsasalita, ang iyong puso ay naaantig na. Ibig sabihin, ibinibigay mo ang iyong taimtim na puso sa Diyos, at ang Diyos ay nakikinig. Kapag nakikinig ang Diyos, nakikita Niya ang iyong mga paghihirap, liliwanagan ka Niya, gagabayan ka, at tutulungan ka. Kailan nagiging lubos na mataimtim ang puso ng tao? Pinakataimtim ito kapag humihingi ng tulong sa Diyos ang tao kapag walang paraan para makatakas. Ang pinakamahalagang bagay na dapat taglayin sa paghingi ng tulong sa Diyos ay isang pusong taos. Dapat ay nasa kalagayan ka na tunay mong kailangan ang Diyos. Ibig sabihin, dapat maging taos man lamang ang puso ng mga tao, hindi walang gana; hindi dapat bibig lamang nila ang pinagagana nila at hindi ang kanilang puso. Kung iniraraos mo lamang ang pakikipag-usap sa Diyos, ngunit hindi naaantig ang puso mo, at ang ibig mong sabihin ay, “Nakagawa na ako ng sarili kong mga plano, Diyos ko, at ipinaaalam ko lamang iyon sa Iyo. Gagawin ko ang mga iyon pumayag Ka man o hindi. Iniraraos ko lamang iyon,” kung gayon ay problema ito. Nililinlang at pinaglalaruan mo ang Diyos, at isa rin itong pagpapahayag ng kawalan ng pagpipitagan sa Diyos. Paano ka tatratuhin ng Diyos pagkatapos nito? Babalewalain ka ng Diyos at isasantabi ka, at ganap kang mapapahiya. Kung hindi mo aktibong hahanapin ang Diyos at hindi ka magsusumikap sa katotohanan, palalayasin ka.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pananalig sa Diyos ay Dapat Magsimula sa Pagkakilatis sa Masasamang Kalakaran ng Mundo

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 377

Ang katotohanan ay ang buhay ng Diyos Mismo; kumakatawan ito sa Kanyang disposisyon, Kanyang diwa, at kung ano ang mayroon Siya at ano Siya. Kung sinasabi mo na sa pagkakaroon ng kaunting karanasan at kaalaman ay mayroon ka nang katotohanan, nagtamo ka na ba ng kabanalan? Bakit nagpapakita ka pa rin ng katiwalian? Bakit hindi ka makakilala sa pagitan ng iba’t ibang uri ng mga tao? Bakit hindi ka makapagpatotoo sa Diyos? Kahit nauunawaan mo ang ilang katotohanan, kaya mo bang katawanin ang Diyos? Maisasabuhay mo ba ang disposisyon ng Diyos? Maaaring mayroon kang kaunting karanasan at kaalaman tungkol sa isang partikular na aspeto ng katotohanan, at maaaring makapagbigay ka ng kaunting kaliwanagan sa pananalita mo, ngunit ang maibibigay mo sa mga tao ay lubhang limitado at hindi magtatagal. Ito ay dahil hindi kumakatawan sa diwa ng katotohanan ang pagkaunawa at liwanag na iyong natamo, at hindi ito kumakatawan sa kabuuan ng katotohanan. Kumakatawan lamang ito sa isang bahagi o isang maliit na aspeto ng katotohanan, isang antas lamang ito na maaaring makamtan ng mga tao, at malayo pa ito sa diwa ng katotohanan. Ang kaunting liwanag, kaliwanagan, karanasan, at kaalamang ito ay hinding-hindi makakapalit sa katotohanan. Kahit makaranas ang lahat ng tao ng isang katotohanan nang may pagkaproduktibo, at pagsama-samahin ang lahat ng kanilang karanasan at kaalaman, hindi iyon aabot sa kabuuan at diwa ng kahit isang linya ng katotohanang ito. Tulad ng nasabi na noong araw, “Binubuod Ko ito sa isang kasabihan para sa mundo ng tao: Sa kalipunan ng mga tao, wala ni isa mang umiibig sa Akin.” Ang pangungusap na ito ang katotohanan, ang tunay na diwa ng buhay, isang napakalalim na bagay, at isang pagpapahayag ng Diyos Mismo. Pagkaraan ng tatlong taon ng karanasan, maaaring magkaroon ka ng kaunting mababaw na pagkaunawa, at pagkaraan ng pito o walong taon, maaaring magkaroon ka ng kaunti pang pagkaunawa, ngunit ang pagkaunawang ito ay hinding-hindi makakapalit sa linyang ito ng katotohanan. Pagkaraan ng dalawang taon, maaaring may ibang tao na magkaroon ng kaunting pagkaunawa, o kaunti pang pagkaunawa pagkaraan ng sampung taon, o mas mataas pang pagkaunawa pagkatapos ng habambuhay, ngunit hindi makakapalit ang pinagsamang pagkaunawa ninyong dalawa sa linyang ito ng katotohanan. Gaano man kalaki ang pinagsamang kabatiran, liwanag, karanasan, o kaalamang mayroon kayong dalawa, hinding-hindi ito makakapalit sa linyang ito ng katotohanan. Ibig sabihin, ang buhay ng tao ay palaging buhay ng tao, at paano man umaayon ang iyong kaalaman sa katotohanan, kalooban ng Diyos, o mga hinihingi ng Diyos, hinding-hindi ito makakapalit sa katotohanan. Ang sabihin na nasa mga tao ang katotohanan ay nangangahulugan na tunay na nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, isinasabuhay ang ilan sa mga realidad ng salita ng Diyos, may kaunting tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, at kayang dakilain at patotohanan ang Diyos. Gayunman, hindi masasabi na taglay na ng mga tao ang katotohanan, dahil napakalalim ng katotohanan. Isang linya lamang ng salita ng Diyos ay maaari nang abutin ng habambuhay para maranasan ng mga tao, at kahit pagkaraan ng ilang habambuhay ng karanasan, o libu-libong taon, hindi lubos na mararanasan ang isang linya ng salita ng Diyos. Malinaw na talagang walang katapusan ang proseso ng pag-unawa sa katotohanan at pagkilala sa Diyos, at na may limitasyon kung gaano kalaking katotohanan ang mauunawaan ng mga tao sa isang habambuhay ng karanasan. Sinasabi ng ilang tao na nasa kanila ang katotohanan sa sandaling naunawaan na nila ang tekstuwal na kahulugan ng salita ng Diyos. Hindi ba kalokohan ito? Pagdating sa kapwa liwanag at kaalaman, mayroong usapin ng kalaliman. Ang mga realidad ng katotohanan na maaaring pasukan ng isang tao sa loob ng isang habambuhay ng paniniwala ay limitado. Samakatuwid, dahil lamang taglay mo ang kaunting kaalaman at liwanag ay hindi nangangahulugan na taglay mo ang mga realidad ng katotohanan. Ang pangunahing bagay na dapat mong tingnan ay kung nauugnay sa liwanag at kaalamang ito ang diwa ng katotohanan. Ito ang pinakamahalagang bagay. Nadarama ng ilang tao na taglay nila ang katotohanan kapag nakapagpapaliwanag sila o nakapag-aalok sila ng kaunting mababaw na pagkaunawa. Pinasasaya sila nito, kaya nagiging mayabang sila at may labis na pagtingin sa sarili. Sa katunayan, malayo pa rin silang makapasok sa realidad ng katotohanan. Anong katotohanan ang maaaring taglayin ng mga tao? Maaari bang ang mga taong may katotohanan ay mabuwal kahit kailan at kahit saan? Kung mayroon katotohanan ang mga tao, paano pa nila malalabanan at mapagkakanulo ang Diyos? Kung sinasabi mo na mayroon kang katotohanan, pinatutunayan nito na sa loob mo ay ang buhay ni Cristo—kung gayon kakila-kilabot iyan! Naging Panginoon ka na, naging si Cristo ka na? Isang kakatwang pahayag ito, at lubusang hinuha ng mga tao; hinggil ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at hindi isang mapaninindigang katayuan sa Diyos.

Kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at namumuhay silang kasama ito bilang kanilang buhay, ano ang tinutukoy sa buhay na ito? Nangangahulugan ito na naghahari ang katotohanan sa kanilang mga puso, nangangahulugan ito na kaya nilang mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, nangangahulugan ito na mayroon silang tunay na kaalaman sa mga salita ng Diyos at isang tunay na pagkaunawa sa katotohanan. Kapag taglay ng mga tao sa loob nila ang bagong buhay na ito, lubos itong nakakamtan sa pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos. Nakabatay ito sa pundasyon ng katotohanan ng mga salita ng Diyos, at nakakamtan ito sa pamamagitan ng pamumuhay nila sa saklaw ng nasasakupan ng katotohanan. Ang nilalaman lamang ng buhay ng mga tao ay ang kanilang kaalaman at karanasan sa katotohanan, at kapag ito ang pundasyon nito, hindi ito lumalampas sa saklaw na iyon; ito ang buhay na tinutukoy kapag nagsasalita tungkol sa pagkakamit ng buhay ng katotohanan. Ang magawang mamuhay ayon sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, hindi ibig sabihin nito na nasasaloob ng mga tao ang buhay ng katotohanan, ni hindi nito ibig sabihin na kung taglay nila ang katotohanan bilang kanilang buhay, ang mga tao ay nagiging katotohanan, at ang kanilang panloob na buhay ay nagiging buhay ng katotohanan; lalong hindi masasabi na sila ang buhay ng katotohanan. Sa huli, ang kanilang buhay ay buhay pa rin ng isang tao. Kung nakakapamuhay ka nang ayon sa mga salita ng Diyos at nagtataglay ng kaalaman tungkol sa katotohanan, at kung ang pagkaunawang ito ay nag-uugat sa iyong kalooban, ito ay nagiging buhay mo, at ang katotohanang iyong nakamit sa pamamagitan ng karanasan ang nagiging batayan ng iyong pag-iral, at kung mamumuhay ka ayon sa mga salitang ito ng Diyos, walang sinumang makapagbabago nito, at hindi ka malilinlang o magagawang tiwali ni Satanas, kung magkagayon ay nakamit mo na ang buhay ng katotohanan. Ibig sabihin, ang iyong buhay ay naglalaman lamang ng katotohanan, ibig sabihin ay ang iyong pagkaunawa, karanasan, at kabatiran sa katotohanan, at anuman ang gawin mo, mamumuhay ka ayon sa mga bagay na ito, at hindi ka lalampas sa saklaw ng mga ito. Ito ang kahulugan ng pagtataglay ng realidad ng katotohanan, at ang gayong mga tao ang nais makamit ng Diyos sa huli sa Kanyang gawain. Ngunit gaano man kahusay na nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, ang kanilang diwa ay isa pa rin sa sangkatauhan, at hindi man lamang maikukumpara sa diwa ng Diyos. Dahil nagpapatuloy ang kanilang pagdanas sa katotohanan magpakailanman, at dahil imposible para sa kanila na buong-buong isabuhay ang katotohanan, at maaari lamang nilang isabuhay ang napakalimitadong bahagi ng katotohanan na maaaring makamtan ng mga tao, paano, kung gayon, sila maaaring makalapit sa Diyos? … Kung mayroon kang kaunting karanasan sa mga salita ng Diyos, at namumuhay ayon sa tunay na karanasan at kaalaman sa katotohanan, unti-unti mong magiging buhay ang mga salita ng Diyos. Gayunpaman, hindi mo pa rin masasabi na ang katotohanan ang buhay mo o na ang ipinahahayag mo ay ang katotohanan; kung gayon ang iyong opinyon, mali ka. Kung mayroon ka lamang ilang karanasan sa isang partikular na aspeto ng katotohanan, makakatawan ba nito mismo ang pagkakaroon mo ng katotohanan? Maituturing ba itong pagtatamo ng katotohanan? Lubusan mo bang maipapaliwanag ang katotohanan? Matutuklasan mo ba ang disposisyon ng Diyos, at kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano ang Diyos, mula sa katotohanan? Kung hindi makakamtan ang mga epektong ito, nagpapatunay ito na ang maranasan lamang ang isang partikular na aspeto ng katotohanan ay hindi maituturing na tunay na pagkaunawa sa katotohanan, o pagkilala sa Diyos, lalong hindi masasabi na nakamit na ang katotohanan. Ang lahat ay mayroon lamang karanasan sa isang aspeto at saklaw ng katotohanan; sa pagdanas nito sa loob ng iyong limitadong saklaw, hindi mo mararanasan ang lahat ng di-mabilang na aspeto ng katotohanan. Maisasabuhay ba ng mga tao ang orihinal na kahulugan ng katotohanan? Gaano ang halaga ng iyong bahagyang karanasan? Isang butil lamang ng buhangin sa dalampasigan; isang patak ng tubig sa karagatan. Samakatuwid, gaano man kahalaga ang kaalamang iyon at iyang mga pakiramdam na natamo mo na mula sa iyong mga karanasan, hindi pa rin maibibilang na katotohanan ang mga iyan. Masasabi lamang na naaayon ang mga ito sa katotohanan. Ang katotohanan ay nagmumula sa Diyos, at ang mga panloob na kahulugan at mga realidad ng katotohanan ay napakalawak ang sakop kaya walang sinumang nakakaarok o nakapagpapabulaan niyon. Basta’t mayroon kang tunay na pagkaunawa sa katotohanan at sa Diyos, mauunawaan mo ang ilang katotohanan, walang sinuman ang magagawang pabulaanan ang mga tunay na pagkaunawang ito, at ang mga patotoong naglalaman ng mga realidad ng katotohanan ay mapaninindigan magpakailanman. Pinupuri ng Diyos ang mga nagtataglay ng mga realidad ng katotohanan. Basta’t hinahangad mo ang katotohanan, at kaya mong umasa sa Diyos para maranasan ang mga salita ng Diyos at kaya mong tanggapin ang katotohanan bilang iyong buhay anuman ang sitwasyon mo, magkakaroon ka ng isang landas, magagawa mong makaligtas, at makakamit mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kahit naaayon sa katotohanan ang kakaunting nakakamit ng mga tao, hindi masasabi na ito ang katotohanan, lalo nang hindi masasabi na nakamit na nila ang katotohanan. Ang kakaunting liwanag na natamo ng mga tao ay angkop lamang para sa kanilang mga sarili o sa ilang nakapaloob sa isang tiyak na saklaw, ngunit hindi magiging angkop sa loob ng isang naiibang saklaw. Gaano man kalalim ang karanasan ng isang tao, napakalimitado pa rin nito, at ang kanilang karanasan ay hindi kailanman makaaabot sa lalim ng saklaw ng katotohanan. Ang liwanag ng isang tao at ang pagkaunawa ng isang tao ay hindi kailanman maihahambing sa katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 378

Kung nais mong isagawa at unawain ang katotohanan, dapat mo munang hanapin ang katotohanan kapag may mga bagay na nangyayari sa iyo sa pang-araw-araw mong buhay. Ibig sabihin, dapat mong tingnan ang mga bagay-bagay batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan; kapag malinaw sa iyo ang diwa ng problema, malalaman mo kung paano magsagawa alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. At kung lagi mong tinitingnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos, makikita mo ang kamay ng Diyos—ang mga gawa ng Diyos—sa lahat ng nangyayari sa iyong paligid. Anuman ang nangyayari sa kanilang paligid, iniisip ng ilang tao na walang kinalaman iyon sa kanilang pananampalataya sa Diyos o sa katotohanan; sinusunod lamang nila ang sarili nilang mga hilig, tumutugon ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Matututo ba sila ng anumang aral nang ganito? Siguradong hindi. Ito ang dahilan kaya maraming taong naniniwala sa Diyos sa loob ng sampu o dalawampung taon at wala pa ring pagkaunawa sa katotohanan o pagpasok sa buhay. Hindi nila kayang isama ang Diyos sa kanilang pang-araw-araw na buhay, o harapin ang lahat ng nangyayari sa kanilang paligid batay sa mga salita ng Diyos, kaya nga tuwing may anumang nangyayari sa kanila, hindi nila masabi kung ano talaga iyon, ni hindi nila magawang harapin iyon batay sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kaya nga, hindi pumapasok sa buhay ang gayong mga tao. Ginagamit lamang ng ilang tao ang kanilang isip kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos sa pulong; sa gayong mga pagkakataon, nagagawa nilang magsalita nang may kaunting kaalaman, subalit hindi nila kayang ipatupad ang mga salita ng Diyos sa anumang nangyayari sa kanila sa tunay na buhay, hindi rin nila alam kung paano isagawa ang katotohanan, kaya iniisip nila na lahat ng nangyayari sa kanilang pang-araw-araw na buhay ay walang kaugnayan sa katotohanan, walang kaugnayan sa mga salita ng Diyos. Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, parang tinatrato nila ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan bilang isang aspeto ng kaalaman, bilang ganap na hiwalay sa kanilang pang-araw-araw na buhay at lubos na nakabukod sa kanilang mga pananaw sa mga bagay-bagay, sa kanilang mga mithiin sa buhay, at sa kanilang mga hangarin sa buhay. Ano ang mayroon sa ganitong uri ng paniniwala sa Diyos? Mauunawaan ba nila ang katotohanan at makakapasok sa realidad? Kapag naniniwala sila sa Diyos sa ganitong paraan, tagasunod ba sila ng Diyos? Hindi sila mga taong tunay na naniniwala sa Diyos, lalong hindi sila tagasunod ng Diyos. Lahat ng problema sa kanilang pang-araw-araw na buhay—kabilang na ang lahat ng kinasasangkutan ng pamilya, buhay may-asawa, trabaho, o kanilang mga inaasam—ay itinuturing nilang walang kaugnayan sa katotohanan, kaya sinusubukan nilang lutasin gamit ang mga pamamaraan ng tao. Sa pagdanas nito, hinding-hindi nila makakamit ang katotohanan, hinding-hindi nila mauunawaan kung ano talaga ang nais ng Diyos na matupad sa mga tao, at ang epektong nais Niyang makamtan sa kanila. Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan upang iligtas ang mga tao, upang linisin at baguhin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ngunit hindi nila nababatid na kung tatanggapin at hahangarin nila ang katotohanan, saka lamang nila malulutas ang kanilang sariling mga tiwaling disposisyon; hindi nila nababatid na kapag naranasan at isinagawa nila ang mga salita ng Diyos sa kanilang pang-araw-araw na buhay, saka lamang nila makakamit ang katotohanan. Hindi ba’t mahina umunawa at ignorante ang gayong mga tao? Hindi ba’t sila ang pinakahangal, at katawa-tawa na mga tao? Ang ilang tao ay hindi kailanman hinangad ang katotohanan sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Akala nila ang ibig sabihin ng pananampalataya sa Diyos ay pagpunta sa pulong, pananalangin, pagkanta ng mga himno, pagbabasa ng mga salita ng Diyos; binibigyang-diin nila ang seremonyang panrelihiyon, at hindi nila kailanman isinasagawa o dinaranas ang mga salita ng Diyos. Ganito maniwala sa Diyos ang mga taong sa relihiyon. At kapag tinatrato ng mga tao ang isang bagay na napakahalaga na tulad ng pananampalataya sa Diyos bilang paninindigan sa relihiyon, hindi ba kabilang sila sa mga walang pananalig? Hindi ba sila mga hindi nananalig? Ang paghahangad ng katotohanan ay nangangailangan ng pagdanas ng maraming proseso. May simpleng bahagi ito, at mayroon ding kumplikadong bahagi. Sa madaling salita, dapat nating hanapin ang katotohanan at gawin at danasin ang mga salita ng Diyos sa lahat nang nagaganap sa ating paligid. Minsang masimulan mong gawin ito, lalo at lalo mong makikita kung gaanong katotohanan ang kailangan mong makamit at hangarin sa iyong paniniwala sa Diyos, at ang katotohanan ay talagang tunay at ang katotohanan ay buhay. Inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan para makamit ng sangkatauhan ang katotohanan bilang buhay. Lahat ng nilikhang sangkatauhan ay dapat tanggapin ang katotohanan bilang buhay, hindi lamang ang mga gumaganap ng mga tungkulin, na mga lider at manggagawa, at naglilingkod sa Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay nakatutok sa buong sangkatauhan, at nangungusap ang Diyos sa buong sangkatauhan. Samakatuwid, dapat tanggapin ng lahat ng nilalang at ng buong sangkatauhan ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, at pagkatapos ay magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan upang magkaroon sila ng kakayahang isagawa at sundin ang katotohanan. Kung mga lider at manggagawa lamang ang kinakailangang magsagawa ng katotohanan, magiging ganap na salungat ito sa kalooban ng Diyos, dahil ang katotohanang ipinahayag ng Diyos ay para sa buong sangkatauhan, at ipinapahayag ito para iligtas ang sangkatauhan, hindi lamang para iligtas ang iilang tao. Kung ganito ang sitwasyon, napakaliit ng magiging kabuluhan ng mga salitang ipinahayag ng Diyos. May isang landas ka na ba ngayon upang hangarin ang katotohanan? Ano ang unang bagay na dapat isagawa kapag hinahangad ang katotohanan? Bago ang lahat, dapat kang gumugol ng higit na panahon sa pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos at pakikinig sa mga sermon at pagbabahaginan. Kapag may nakaharap kang isang usapin, magdasal at higit na maghanap pa. Kapag nasangkapan na ninyo ang inyong mga sarili ng maraming katotohanan, kapag mabilis kayong lumalago at nagtataglay ng tayog, magagawa ninyong magampanan ang isang tungkulin, idaos ang isang maliit na gawain, at sa gayon ay magagawang lusutan ang ilang mga pagsubok at mga tukso. Sa oras na iyon, mararamdaman ninyong talagang naunawaan na at nakamit na ninyo ang ilang katotohanan, at madarama ninyo na ang mga salitang binigkas ng Diyos ay pawang katotohanan, na ang mga iyon ay mga katotohanang pinakakinakailangan para sa kaligtasan ng tiwaling sangkatauhan, at na ang mga iyon ay ang katotohanan ng buhay na ibinigay ng natatanging Lumikha.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kahalagahan ng Paghahangad sa Katotohanan at ang Landas ng Paghahangad Nito

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 379

Kung ninanais ng mga tao na maligtas kapag naniniwala sila sa Diyos, ang pinakamahalaga ay kung may puso ba silang may takot sa Diyos o wala, kung may puwang ba ang Diyos sa puso nila o wala, kung nagagawa ba nila o hindi na mamuhay sa harapan ng Diyos at mapanatili ang normal na ugnayan sa Diyos. Ang mahalaga ay kung ang mga tao ba ay nakapagsasagawa ng katotohanan at nagiging masunurin sa Diyos o hindi. Ganyan ang landas at mga kondisyon para maligtas. Kung hindi nagagawa ng puso mong mamuhay sa harapan ng Diyos, kung hindi ka madalas na nananalangin sa Diyos at nakikipagbahaginan sa Diyos, at nawawalan ka ng normal na ugnayan sa Diyos, hindi ka maliligtas kailanman, dahil naharangan mo ang landas tungo sa kaligtasan. Kung wala kang anumang ugnayan sa Diyos, naabot mo na ang hangganan. Kung ang Diyos ay wala sa puso mo, walang saysay na sabihin na nananampalataya ka, at na manalig sa Diyos sa turing lamang, at hindi mahalaga kung gaano karaming salita ng doktrina ang nagagawa mong ulitin, kung gaano na karami ang naging pagdurusa mo para sa pananalig mo sa Diyos, o kung gaano man karami ang mga kaloob mo; kung wala sa puso mo ang Diyos, at wala kang takot sa Diyos, walang halaga kung paano ka nananalig sa Diyos, sasabihin ng Diyos, “Layuan mo Ako, ikaw na masamang tao.” Ikaw ay ituturing na masamang tao. Mawawalan ka ng ugnayan sa Diyos, ang Diyos ay hindi mo na magiging Panginoon o iyong Diyos. Kahit na kinikilala mo na ang Diyos ang naghahari sa lahat, at kinikilala mo na ang Diyos ang Lumikha, hindi mo sinasamba ang Diyos, at hindi ka nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sinusunod mo ang diyablong si Satanas, ang diyablo lamang na si Satanas ang panginoon mo. Kung nagtitiwala ka sa iyong sarili sa lahat ng bagay, at sinusunod ang sarili mong kalooban, kung nagtitiwala ka na ang kapalaran mo ay nasa iyong mga kamay, ang pinaniniwalaan mo kung gayon ay ang sarili mo, at kahit na sinasabi mong pinaniniwalaan at kinikilala mo ang Diyos, hindi ka kinikilala ng Diyos, at wala kang ugnayan sa Diyos, kaya sa huli ay nakatakda kang kamuhian at tanggihan ng Diyos, parusahan ng Diyos, at palayasin ng Diyos; hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong tulad mo. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay iyong mga tumatanggap sa Diyos bilang ang Tagapagligtas, na tumatanggap na ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, nagagawa nilang taos-pusong gumugol para sa Diyos at gampanan ang tungkulin ng isang nilikha ng Diyos, nararanasan nila ang gawain ng Diyos, isinasagawa nila ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, tinatahak nila ang landas ng paghahangad ng katotohanan, sila ang mga tao na sumusunod sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at sumusunod sa kalooban ng Diyos. Maliligtas lamang ang mga tao kapag mayroon silang ganoong pananampalataya sa Diyos; kung wala, sila ay kokondenahin. Katanggap-tanggap ba ang pangangarap nang gising kapag naniniwala ang mga tao sa Diyos? Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, maaari bang matamo ng mga tao ang katotohanan kapag palagi silang kumakapit sa kanilang sariling mga kuru-kuro at malabo at mahirap maunawaang mga imahinasyon? Hinding-hindi. Kapag ang mga tao ay nananalig sa Diyos, dapat nilang tanggapin ang katotohanan, dapat silang maniwala sa Diyos gaya ng hinihingi ng Diyos, dapat nilang sundin ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos; noon lamang nila matatamo ang kaligtasan. Wala nang iba pang paraan bukod dito; anuman ang ginagawa mo, hindi ka dapat mangarap nang gising. Ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito ay napakahalaga para sa mga tao, hindi ba? Isa itong panggising sa inyo.

Ngayong narinig na ninyo ang mga mensaheng ito, tiyak na nauunawaan na ninyo ang katotohanan at malinaw na sa inyo kung ano ang napapaloob sa kaligtasan. Kung ano ang gusto ng mga tao, ano ang pinagsisikapan nila, at ang pinakagusto nilang gawin—wala rito ang mahalaga. Ang pinakamahalaga ay ang pagtanggap sa katotohanan. Sa huling pagsusuri, ang matamo ang katotohanan ang pinakamahalaga, at na ang nagpapahintulot sa iyo na magkaroon ng takot sa Diyos at ang pag-iwas sa kasamaan ay ang tamang landas. Kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos at palagi mong pinagtutuunan ang paghahangad ng mga bagay-bagay na walang kaugnayan sa katotohanan, ang pananampalataya mo ay walang kinalaman sa katotohanan, at walang kinalaman sa Diyos. Maaaring sinasabi mong pinaniniwalaan at kinikilala mo ang Diyos, subalit ang Diyos ay hindi mo Panginoon, Siya ay hindi mo Diyos, hindi mo tinatanggap na ang Diyos ang kumokontrol sa kapalaran mo, hindi ka nagpapasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos para sa iyo, hindi mo kinikilala ang totoo na ang Diyos ang katotohanan—sa gayon ang mga pag-asam mo ng kaligtasan ay nawasak; kung hindi mo kayang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, tinatahak mo ang landas ng pagkawasak. Kung ang lahat ng bagay na iyong hinahangad, pinagtutuunan, ipinagdarasal, at isinasamo ay batay sa mga salita ng Diyos, at sa kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kung may lumalagong pagkaunawa ka na ikaw ay sumusunod sa Lumikha, at sumasamba sa Lumikha, at nadaramang ang Diyos ang iyong Panginoon, ang iyong Diyos, kung patuloy na mas nagagalak kang sumunod sa lahat ng pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos para sa iyo, at ang ugnayan mo sa Diyos ay patuloy na nagiging mas malapit, at nagiging mas normal higit kailanman, at kung ang pagmamahal mo sa Diyos ay nagiging mas dalisay at totoo higit kailanman, kung gayon ang iyong mga hinaing at maling pagkaunawa sa Diyos, at ang iyong magagarbong ninanasa sa Diyos, ay patuloy na magiging mas kaunti, at lubos mo nang matatamo ang takot sa Diyos at ang pag-iwas sa masama, na ang ibig sabihin ay nakapasok ka na sa landas ng kaligtasan. Bagama’t ang pagtahak sa landas ng kaligtasan ay may kasamang disiplina, pagtabas, pagwawasto, paghatol, at pagkastigo ng Diyos, at nagsasanhi ang mga ito na magdusa ka ng labis na pasakit, ito ang pag-ibig ng Diyos na dumarating sa iyo. Kung hinahangad mo lamang na pagpalain kapag naniniwala ka sa Diyos, at hinahangad mo lamang ang katayuan at katanyagan, at hindi ka kailanman dinisiplina, o tinabas at iwinasto, o hinatulan at kinastigo, kung gayon bagama’t mayroon kang madaling buhay, ang puso mo ay patuloy na lalayo sa Diyos, mawawala sa iyo ang normal na ugnayan sa Diyos, at hindi ka na rin magiging handang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos; gugustuhin mo nang maging sarili mong amo—lahat ng ito ay patunay na ang landas na tinatahak mo ay hindi ang tamang landas. Kung naranasan mo na ang gawain ng Diyos nang ilang panahon at may lumalagong pagkaunawa kung paanong ang sangkatauhan ay napakalalim na nagawang tiwali, at malamang talaga na lumaban sa Diyos, at kung nababalisa ka na darating ang araw na gagawa ka ng isang bagay na paglaban sa Diyos, at natatakot ka na malamang na magkakasala ka sa Diyos at lilisanin ka Niya, at kaya nadarama na wala nang mas nakakatakot pa kaysa ang labanan ang Diyos, kung gayon ay mayroon kang pusong may takot sa Diyos. Madarama mo na kapag ang mga tao ay nananalig sa Diyos, hindi sila dapat malihis palayo sa Diyos; kung malihis sila palayo sa Diyos, kung malihis sila palayo sa pagdisiplina ng Diyos, at sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, ito ay katumbas ng pagkawala ng proteksyon at pangangalaga ng Diyos, ng pagkawala ng mga pagpapala ng Diyos, at katapusan na ito ng mga tao; maaari na lamang silang maging mas ubod ng sama, sila ay magiging tulad ng mga tao ng relihiyon, at malamang pa rin na lumaban sa Diyos habang naniniwala sila sa Diyos—at kung ganito, sila ay magiging mga anticristo. Kung mapagtatanto mo ito, mananalangin ka sa Diyos, “O Diyos! Pakiusap, hatulan at kastiguhin Mo po ako. Sa lahat ng bagay na ginagawa ko, nagsusumamo po ako sa Iyo na bantayan ako. Kung gumagawa ako ng isang bagay na lumalabag sa katotohanan at lumalabag sa Iyong kalooban, nawa ay hatulan Mo po ako at kastiguhin nang husto—hindi maaaring wala po sa akin ang Iyong paghatol at pagkastigo.” Ito ang tamang landas na dapat tahakin ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Kaya gawing panukatan ito: Naglalakas-loob ba kayong sabihin na nakatuntong na kayo sa landas ng kaligtasan? Hindi kayo naglalakas-loob, dahil hindi pa kayo nabibilang sa mga naghahangad ng katotohanan, sa maraming bagay, hindi ninyo hinahanap ang katotohanan, hindi ninyo nagagawang tumanggap at magpasakop sa pagwawasto at pagtatabas—na nagpapatunay na malayong-malayo pa kayo sa pagtahak sa landas ng kaligtasan. Madali lang ba na makatuntong sa landas ng kaligtasan kung ikaw ay hindi isang tao na naghahangad ng katotohanan? Ang totoo, hindi ito madali. Kung hindi pa naranasan ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, kung hindi pa nila naranasan ang pagdisiplina, pagkastigo, pagwawasto, at pagtabas ng Diyos, hindi madali para sa kanila na maging isang tao na naghahangad ng katotohanan, at bunga nito, napakahirap para sa kanila na makatuntong sa landas ng kaligtasan. Kung pagkatapos marinig ang mensaheng ito, alam mong ito ang katotohanan, ngunit hindi mo pa tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan, at hindi mo ito nakikita bilang isang seryosong bagay, nadarama mong sa malao’t madali ay gagawin mo rin naman ito—hindi kailangang magmadali—kung gayon ay anong uri ng pananaw ito? Kung ganito ang inyong pananaw, nasa panganib kayo, at mahihirapan kayong makatapak sa landas ng kaligtasan. Paano kayo dapat magpasya para makatuntong kayo sa landas ng kaligtasan? Dapat ay sabihin mo, “A! Sa ngayon ay hindi pa ako nakatutuntong sa landas ng kaligtasan—napakamapanganib nito! Sinasabi ng Diyos na ang mga tao ay dapat na mamuhay sa Kanyang harapan sa lahat ng oras, at mas manalangin pa, at na dapat ay maging mapayapa ang kanilang mga puso, at hindi pabigla-bigla—kaya dapat kong simulang isagawa ang lahat ng ito ngayon.” Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay pagpasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos; ganoon iyon kasimple. Anong klase ng mga tao ang nakakarinig ng mga salita ng Diyos at pagkatapos ay humahayo at isinasagawa ang mga ito? Mabubuti ba silang mga tao? Mabubuti sila—sila ang mga taong nagmamahal sa katotohanan. Anong uri ng tao sila kung nananatili silang manhid, walang pakialam, at hindi nagpapasakop matapos marinig ang mga salita ng Diyos—kung hindi nila sineseryoso ang mga salita ng Diyos, at nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan sila sa mga ito? Hindi ba’t magugulo ang isip nila? Palaging itinatanong ng mga tao kung may mabibilis na paraan para maligtas kapag nananalig sila sa Diyos. Sinasabi Ko sa inyo na wala, at pagkatapos ay sinasabi Ko sa inyo ang tungkol sa simpleng landas na ito, ngunit matapos itong marinig hindi ninyo ito isinasagawa—na isang sitwasyon na hindi ninyo nalalaman ang mabuting bagay kapag narinig ninyo ito. Maaari bang maligtas ang ganitong mga tao? Kahit na mayroon naman silang pag-asa, hindi ito malaki; ang kaligtasan ay magiging napakahirap. Maaaring dumating ang araw na magising sila mula sa pagkakatulog, na mapag-isipan nila ang mga bagay-bagay at sabihin sa kanilang sarili, “Hindi na ako bata, at hindi ko ginagampanan ang mga itinakdang tungkulin ko habang nananalig sa Diyos sa lahat ng nagdaang taong ito. Hinihingi ng Diyos na mamuhay ang mga tao sa Kanyang harapan sa lahat ng oras, at hindi ako namuhay sa harapan ng Diyos. Kailangan kong magmadali at manalangin.” Hindi pa huli kung natauhan sila sa kanilang mga puso at nagsimulang gampanan ang kanilang itinakdang tungkulin. Subalit huwag ninyo itong ipagpaliban nang napakatagal; kung maghihintay kayo hanggang mga pitumpu o walumpung taong gulang na kayo, at mahina na ang katawan ninyo, at wala na kayong anumang lakas, hindi ba’t magiging huling-huli na para hangarin ang katotohanan? Kung gugugulin ninyo ang pinakamaiinam na taon ng inyong buhay sa walang kabuluhang mga bagay, at mauwi kayo sa pagpapaliban o pagpapalampas ng paghahangad ng katotohanan, na pinakamahalagang bagay sa lahat, hindi ba’t sukdulang kahangalan ito? Mayroon pa bang higit na kamangmangan kaysa rito? Alam na alam ng maraming tao ang tunay na daan ngunit hinihintay pa nilang dumating ang hinaharap bago ito tanggapin at hangarin—silang lahat ay mga hangal. Hindi nila alam na inaabot nang ilang dekada ang paghahangad ng katotohanan bago nila matatamo ang buhay. Magiging huli na para magsisi kung sasayangin nila ang pinakamainam na panahon para maligtas!

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 380

Ang pagiging isang lider ng iglesia ay hindi lamang pag-aaral na gamitin ang katotohanan upang malutas ang mga problema, kundi pagtuklas at paglinang din ng mga taong may talento, na talagang hindi ninyo dapat kainggitan o pigilan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Kung makakapaglinang ka ng ilang nagsisihangad ng katotohanan upang makipagtulungan sa iyo nang maayos sa lahat ng gawaing ginagawa mo, at sa huli, lahat kayo ay may patotoong batay sa karanasan, magiging kuwalipikado kang lider. Kung nagagawa mong kumilos sa lahat ng bagay ayon sa mga prinsipyo, ipinamumuhay mo ang iyong katapatan. Mayroong ilan na palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay at mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay pahahalagahan habang sila ay pinababayaan. Dahil dito, inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong mas may kakayahan kaysa sa kanila? Hindi ba makasarili at nakasusuklam ang ganitong pag-uugali? Anong klaseng disposisyon ito? Malisyoso ito! Iniisip lamang ang sariling mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sariling mga hangarin, hindi nagpapakita ng konsiderasyon sa iba o sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ang ganitong klase ng mga tao ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila. Kung talagang kaya mong bigyan ng konsiderasyon ang kalooban ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan siyang sumailalim sa pagsasanay at gumanap ng tungkulin, sa gayon ay nagdaragdag ng taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t magiging mas madaling gawin ang iyong gawain? Kung gayon, hindi mo ba maipapamuhay ang iyong katapatan sa tungkuling ito? Isa itong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsensya at katinuan na dapat taglayin ng isang lider. Yaong mga may kakayahang magsagawa ng katotohanan ay makakayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa paggawa ng mga bagay. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, naitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba, laging nais makuha ang papuri at paghanga ng iba, ngunit hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, kung gayon, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang gayong mga tao ay walang paggalang sa Diyos. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, o katayuan. Kailangan mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung ikaw ba ay naging hindi dalisay sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging matapat, natupad ang iyong mga pananagutan, at naibigay ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo nang naisaisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Isipin mong madalas ang mga ito at intindihin ang mga ito, at magiging mas madali sa iyong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kung mahina ang iyong kakayahan, kung mababaw ang iyong karanasan, o kung hindi ka bihasa sa iyong mga propesyunal na gawain, kung gayon ay maaaring may ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at maaaring hindi maging napakaganda ng mga resulta—ngunit naibuhos mo na ang iyong buong pagsisikap. Sa lahat ng ginagawa mo, hindi mo binibigyang-kasiyahan ang iyong mga makasariling paghahangad o kagustuhan. Sa halip, binibigyan mo ng palagiang pagsasaalang-alang ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi ka makapagkamit ng magagandang resulta sa pagganap ng iyong tungkulin, maiwawasto naman ang puso mo; kung, dagdag pa rito, kaya mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema sa iyong tungkulin, magiging pasado sa pamantayan ang tungkulin mo at magagawa mong pumasok sa realidad ng katotohanan. Ito ang pagpapatotoo.

Ang ilang tao ay naniniwala sa Diyos ngunit hindi hinahangad ang katotohanan. Lagi silang namumuhay ayon sa laman, laging kumakapit sa mga kasiyahang pangkatawan, laging pinagpapakasasa ang kanilang mga makasariling paghahangad. Ilang taon mang naniniwala sa Diyos ang gayong mga tao, hindi sila kailanman makakapasok sa realidad ng katotohanan. Ito ang tatak ng nakapagdala ng kahihiyan sa Diyos. Sinasabi mo, “Wala naman akong anumang ginagawa para labanan ang Diyos; paano ko nadadalhan ng kahihiyan ang Diyos?” Lahat ng mga ideya at saloobin mo ay masasama. Sa mga layunin, mithiin at motibo sa likod ng iyong mga pagkilos, at sa mga kinahihinatnan ng mga ginagawa mo—sa bawat paraan na binibigyang-kasiyahan mo si Satanas, pagiging katatawanan nito, at hinahayaan itong may panghawakan sa iyo. Wala kang pinatotohanan na dapat ginawa ng isang Kristiyano. Isa kang taong nabibilang kay Satanas. Dinudungisan mo ang pangalan ng Diyos sa lahat ng bagay at hindi ka nagtataglay ng tunay na patotoo. Maaalala ba ng Diyos ang mga bagay na nagawa mo na? Sa huli, anong konklusyon ang mabubuo ng Diyos tungkol sa iyong mga kilos at sa tungkulin na iyong ginampanan? Wala bang kinalabasan iyan, isang uri ng pahayag? Sa Bibliya, sinasabi ng Panginoong Jesus, “Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:22–23). Bakit ito sinabi ng Panginoong Jesus? Bakit nagiging masasamang tao ang napakarami sa mga nangaral, nagpalayas ng mga demonyo, at nagsagawa ng maraming himala sa pangalan ng Panginoon? Ito ay dahil hindi nila tinanggap ang katotohanang ipinahayag ng Panginoong Jesus, hindi sinunod ang mga utos ng Panginoong Jesus, at hindi minahal ang katotohanan sa kanilang puso. Ginusto lang nilang ipalit ang kanilang gawain, pagdurusa, at mga sakripisyo sa Panginoon para sa mga pagpapala ng kaharian ng langit. Ito ay pakikipagtransaksyon sa Diyos, at ito ay paggamit sa Diyos at panlilinlang sa Diyos, kaya kinasuklaman, kinamuhian, at kinondena sila ng Panginoong Jesus bilang masasamang tao. Ngayon, tinatanggap ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pero naghahangad pa rin ng reputasyon at katayuan ang ilan, lagi nilang gustong mamukod-tangi, laging gustong maging mga lider at manggagawa at magtamo ng reputasyon at katayuan. Bagama’t sinasabi nilang lahat na naniniwala sila at sumusunod sa Diyos, at tumatalikod at gumugugol sila para sa Diyos, isinasagawa nila ang kanilang mga tungkulin para magtamo ng katanyagan, mga pakinabang, at katayuan, at lagi silang may mga personal na balak. Hindi sila masunurin o tapat sa Diyos, kumikilos sila nang basta-basta nang hindi talaga pinagninilayan ang kanilang sarili, kaya nga naging masasamang tao sila. Kinamumuhian ng Diyos ang gayong masasamang tao, at hindi sila inililigtas ng Diyos. Ano ang pamantayan kung paano hinahatulan ang mga gawa ng isang tao bilang mabuti o masama? Depende ito sa kung taglay ba nila o hindi, sa kanilang mga iniisip, pagpapahayag, at kilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng realidad ng katotohanan. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda, isa kang masamang tao. Ano ang tingin ng Diyos sa masasamang tao? Ang mga iniisip at ipinapakita mong mga kilos ay hindi nagpapatotoo sa Diyos, ni ipinapahiya si Satanas o tinatalo ito; sa halip, pinapahiya ng mga ito ang Diyos, at puno ng mga markang nagpapahiya sa Diyos. Hindi ka nagpapatotoo para sa Diyos, hindi mo ginugugol ang sarili mo para sa Diyos, ni hindi mo ginagampanan ang responsibilidad at mga obligasyon mo sa Diyos; sa halip, kumikilos ka para sa iyong sariling kapakanan. Ano ang kahulugan ng “para sa iyong sariling kapakanan”? Ang eksaktong ibig sabihin nito ay para sa kapakanan ni Satanas. Samakatuwid, sa bandang huli, sasabihin ng Diyos, “Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” Sa mga mata ng Diyos, hindi ka nakagawa ng mabubuting gawa, sa halip ay naging masama ang iyong asal. Hindi lamang nito mabibigong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos—kokondenahin din ito. Ano ang hinahangad na makamit ng isang taong may gayong paniniwala sa Diyos? Hindi ba mabibigo sa huli ang gayong paniniwala?

Para sa lahat ng tumutupad ng kanilang tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan ng pagsasagawa upang makapasok sa realidad ng katotohanan ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang mga makasariling pagnanasa, mga personal na layunin, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung hindi ito magawa ng isang taong gumaganap sa kanyang tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi ito pagganap ng isang tao sa tungkulin. Dapat mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia, at unahin ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali nang kaunti kapag hinahati-hati ninyo ito sa mga hakbang na ito at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito sa maikling panahon, madarama mo na hindi mahirap bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsibilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at tungkulin, isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, isantabi ang sarili mong mga layon at motibo, magkaroon ng pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos, at unahin mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, nang hindi nagiging isang hamak at walang-silbing tao, at pamumuhay nang makatarungan at marangal kaysa pagiging kasuklam-suklam at salbahe. Madarama mo na ganyan dapat mamuhay at kumilos ang isang tao. Unti-unti, mababawasan ang hangarin sa puso mo na bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes. Ngayon, gaano katagal man kayong naniniwala sa Diyos, mababaw ang inyong pagpasok, pag-unawa, pagdanas sa mga aral ng paghahangad sa katotohanan, pagsasagawa ng katotohanan, at pagpasok sa mga realidad ng katotohanan, at wala kayong tunay na karanasan o pagkaunawa, kaya hindi kayo makapagbigay ng tunay na patotoo. Ibinahagi Ko na sa inyo ngayon ang simpleng estratehiyang ito: Magsimula kayo sa pagsasagawa sa ganitong paraan, at kapag nagawa na ninyo iyon sa loob ng ilang panahon, magbabago ang kalagayan ng inyong kalooban nang hindi ninyo nalalaman. Mula sa nag-aalangang kalagayan, kung saan hindi kayo masyadong interesado sa paniniwala sa Diyos ni nababagot dito, nagiging kalagayan iyon kung saan nadarama ninyo na mabubuting bagay ang paniniwala sa Diyos at pagiging matapat na tao, at kung saan interesado kayo sa pagiging matapat na tao at nadarama ninyo na may kabuluhan at pagtustos sa pamumuhay nang gayon. Ang iyong espiritu ay magiging mapagpakumbaba, panatag at nasisiyahan. Ang gayong kalagayan ay magiging iyo, bilang isang resulta ng iyong pagbitaw sa iyong mga pansariling motibo, interes, at makasariling hangarin. Ito ay iyong makakamit. Ang resultang ito sa isang banda ay produkto ng kooperasyon ng tao at sa kabilang banda, ay gawain ng Banal na Espiritu. Hindi gagawa ang Banal na Espiritu kung walang kooperasyon ng mga tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 381

Ano ang nalalaman ninyo tungkol sa mga pagbabago sa disposisyon? Ang mga diwa ng mga pagbabago sa disposisyon at mga pagbabago sa paggawi ay magkaiba, at ang mga pagbabago sa pagsasagawa ay magkakaiba rin—ang lahat ng ito ay magkakaiba sa pinakadiwa. Naglalagay ang karamihan ng mga tao ng natatanging diin sa paggawi sa kanilang paniniwala sa Diyos, na ang nagiging resulta ay ang pagkakaroon ng ilang pagbabago sa kanilang pag-uugali. Pagkatapos nilang magsimulang manalig sa Diyos, tumigil sila sa paninigarilyo at pag-inom, at hindi na sila nakikipaglaban sa iba, mas pinipiling maging mapagpasensya kapag dumaranas sila ng kawalan. Sumasailalim sila sa ilang pagbabago sa pag-uugali. Ang ilang tao ay nadarama na sa sandaling manalig sila sa Diyos, nauunawaan na nila ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa ng salita ng Diyos, na naranasan na nila ang gawain ng Banal na Espiritu, at nagkaroon na sila ng tunay na kasiyahan sa kanilang mga puso, na ginagawa silang partikular na masigasig, at wala silang hindi kayang talikdan o pagdusahan. Gayunman, matapos manalig sa loob ng walo, sampu, o kahit dalawampu o tatlumpung taon, dahil walang naging pagbabago sa kanilang mga disposisyon sa buhay, nauwi sila sa pagbabalik sa dating mga gawi; lalong lumilitaw ang kanilang kayabangan at kapalaluan, nagsisimula silang makipagpaligsahan para sa kapangyarihan at pakinabang, pinag-iimbutan nila ang salapi ng iglesia, kinaiinggitan nila ang mga nagsamantala sa sambahayan ng Diyos. Sila ay nagiging mga parasito at salot sa loob ng sambahayan ng Diyos, at ang ilan ay inilalantad pa nga at pinalalayas bilang mga huwad na lider at anticristo. At ano ang pinatutunayan ng mga katotohanang ito? Ang mga pagbabago lang sa ugali ay hindi napapanatili; kung walang pagbabago sa mga disposisyon sa buhay ng mga tao, sa malaon at madali ay ipapakita nila ang mga tunay nilang kulay. Ito ay dahil sigasig ang pinagmumulan ng mga pagbabago sa kanilang gawi, at sinamahan ng ilang gawain ng Banal na Espiritu sa panahong iyon, napakadali para sa kanila na maging maalab o magpakita ng pansamantalang kabaitan. Katulad ng sinasabi ng mga hindi nananalig, “Madali ang paggawa ng isang mabuting gawa; ang mahirap ay ang habambuhay na paggawa ng mabubuting gawa.” Bakit walang kakayahan ang mga tao na gumawa ng mabubuting gawa nang buong buhay nila? Dahil ang mga tao ay likas na masama, makasarili, at tiwali. Ang pag-uugali ng isang tao ay dinidikta ng kanyang kalikasan; anuman ang kalikasan ng isang tao, gayundin ang ugali na inilalantad ng isang tao, at iyon lamang likas na naihahayag ang kumakatawan sa kalikasan ng isang tao. Hindi magtatagal ang mga bagay na huwad. Kapag gumagawa ang Diyos upang iligtas ang tao, hindi ito upang palamutian ang tao ng mabuting gawi—ang layunin ng gawain ng Diyos ay ang baguhin ang anyo ng mga disposisyon ng mga tao, upang sila ay muling isilang na bagong mga tao. Ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos sa tao ay pawang nagsisilbi upang baguhin ang kanyang disposisyon, upang matamo niya ang ganap na pagpapasakop at debosyon sa Diyos, at magawang normal na sambahin Siya. Ito ang layunin ng gawain ng Diyos. Ang pagpapakabait ay hindi katulad ng pagpapasakop sa Diyos, lalong hindi ito katumbas ng pagiging kaayon kay Cristo. Ang mga pagbabago sa ugali ay batay sa doktrina at bunga ng sigasig; hindi batay ang mga ito sa tunay na kaalaman sa Diyos o sa katotohanan, lalong hindi batay sa paggabay ng Banal na Espiritu. Bagama’t may mga pagkakataon na ang ilan sa ginagawa ng mga tao ay binibigyang-liwanag o pinapatnubayan ng Banal na Espiritu, hindi ito isang pagpapahayag ng buhay nila. Hindi pa sila nakapasok sa mga realidad ng katotohanan, at ang kanilang disposisyon sa buhay ay hindi talaga nagbago. Gaano man kabuti ang pag-uugali ng isang tao, hindi ito nagpapatunay na sinusunod niya ang Diyos o na isinasagawa niya ang katotohanan. Ang mga pagbabago sa pag-uugali ay hindi kumakatawan sa pagbabago sa disposisyon sa buhay at hindi ito maaaring ituring bilang mga pagpapahayag ng buhay ng mga tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 382

Kung maraming mabubuting pag-uugali ang isang tao, hindi iyon nangangahulugan na taglay niya ang mga realidad ng katotohanan. Sa pagsasagawa lang ng katotohanan at pagkilos ayon sa mga prinsipyo mo maaaring taglayin ang mga realidad ng katotohanan. Sa pagkakaroon lang ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan mo maaaring taglayin ang mga realidad ng katotohanan. Ang ilang tao ay may kasigasigan, kayang magsalita ng doktrina, sumunod sa mga panuntunan, at gumawa ng maraming mabubuting gawa, pero ang masasabi lang tungkol sa kanila ay na may taglay silang kaunting pagkatao. Ang mga kayang magsalita ng doktrina at palaging sumusunod sa mga panuntunan ay hindi agad na masasabing kayang magsagawa ng katotohanan. Kahit tama ang sinasabi nila at parang walang mga problema ang mga iyon, wala silang masabi sa mga bagay na may kinalaman sa diwa ng katotohanan. Samakatuwid, gaano man karaming doktrina ang kayang sabihin ng isang tao, hindi iyon nangangahulugan na nauunawaan niya ang katotohanan, at gaano man karaming doktrina ang nauunawaan niya, hindi niya malulutas ang anumang mga problema. Maipaliliwanag ng lahat ng teorista tungkol sa relihiyon ang Bibliya, pero sa huli, babagsak silang lahat, dahil hindi nila tinatanggap ang buong katotohanang naipahayag ng Diyos. Ang mga taong nakaranas ng pagbabago sa kanilang disposisyon ay naiiba; naunawaan na nila ang katotohanan, naiintindihan nila ang lahat ng usapin, alam nila kung paano kumilos alinsunod sa kalooban ng Diyos, kung paano kumilos alinsunod sa prinsipyo ng katotohanan, at kung paano kumilos upang mapalugod ang Diyos, at nauunawaan nila ang kalikasan ng katiwalian na kanilang ipinapakita. Kapag ang kanilang sariling mga ideya at mga kuru-kuro ay naibubunyag, nagagawa nilang makakilala at tinatalikuran ang laman. Ganito ipinahahayag ang isang pagbabago sa disposisyon. Ang pangunahing pagpapamalas ng mga taong dumaan sa pagbabago ng disposisyon ay nagagawa nilang maunawaan nang malinaw ang katotohanan, at kapag ipinatutupad ang mga bagay, isinasagawa nila ang katotohanan nang may kaugnay na kawastuhan at hindi sila nagbubunyag ng katiwalian nang madalas. Karaniwan, ang mga nagbago na ang disposisyon ay nagiging makatwiran at maunawain, at dahil sa kanilang pagkaunawa sa katotohanan, hindi sila gaanong nagpapakita ng pagmamataas o kayabangan. Nauunawaan at nahihiwatigan nila ang marami sa katiwaliang naibunyag sa kanila, kaya hindi sila nagyayabang. Nagagawa nilang magkaroon ng isang nasusukat na pagkaunawa sa kung ano ang kalagayan ng tao, kung paano gumawi nang may katwiran, kung paano maging masunurin, kung ano ang sasabihin at kung ano ang hindi sasabihin, at kung ano ang sasabihin at kung ano ang gagawin sa alin mang mga tao. Kaya, ang mga taong nagbago ang mga disposisyon ay medyo makatwiran, at ang ganoong mga tao lamang ang tunay na nagsasabuhay ng wangis ng tao. Dahil nauunawaan nila ang katotohanan, nasasabi at nakikita nila ang mga bagay alinsunod sa katotohanan, at may prinsipyo sila sa lahat ng ginagawa nila; hindi sila sumasailalim sa impluwensiya ng sinumang tao o bagay, at lahat sila ay may sariling pananaw at kayang itaguyod ang prinsipyo ng katotohanan. Ang kanilang disposisyon ay medyo matatag, hindi sila sala sa init at sala sa lamig, at anuman ang kanilang sitwasyon, nauunawaan nila kung paano isagawa nang wasto ang kanilang tungkulin at kung paano umasal na ikalulugod ng Diyos. Iyong mga nagbago ang mga disposisyon ay hindi nagtutuon ng pansin sa kung ano ang gagawin upang mapaganda ang kanilang mga sarili sa mababaw na antas—natamo nila ang panloob na kaliwanagan sa kung ano ang gagawin upang mapalugod ang Diyos. Kung gayon, sa panlabas maaaring tila hindi sila ganoon kasigasig o parang hindi sila nakagawa ng anumang totoong dakila, ngunit ang lahat ng kanilang ginagawa ay makahulugan, mahalaga, at nagbubunga ng praktikal na mga resulta. Iyong mga nagbago ang mga disposisyon ay tiyak na nagtataglay ng napakaraming realidad ng katotohanan, at ito ay mapapatunayan sa pamamagitan ng kanilang mga pananaw sa mga bagay at sa kanilang mga maprinsipyong pagkilos. Ang mga hindi pa nagtamo ng katotohanan ay talagang hindi nagkamit ng anumang pagbabago sa disposisyon sa buhay. Paano ba talaga nakakamit ang pagbabago sa disposisyon? Lubhang nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, lahat sila ay lumalaban sa Diyos, at lahat sila ay may kalikasang lumalaban sa Diyos. Inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng paghihikayat sa mga may kalikasang lumalaban sa Diyos at maaaring lumaban sa Diyos na sumunod at magkaroon ng takot sa Diyos. Ito ang kahulugan ng maging isang tao na nagbago na ang disposisyon. Gaano man katiwali ang isang tao o ilang tiwaling disposisyon ang mayroon siya, basta’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan, tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at tanggapin ang iba’t ibang pagsubok at pagpipino, magkakaroon siya ng tunay na pagkaunawa sa Diyos, at kasabay nito ay malinaw niyang makikita ang sarili niyang likas na pagkatao at diwa. Kapag tunay niyang nakikilala ang kanyang sarili, magagawa niyang kamuhian ang kanyang sarili at si Satanas, magiging handa siyang talikdan si Satanas, at lubusang susundin ang Diyos. Kapag may ganitong determinasyon na ang isang tao, kaya na niyang hangarin ang katotohanan. Kung may tunay na kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, kung nadalisay ang kanilang satanikong disposisyon, at nag-ugat ang mga salita ng Diyos sa kanilang kalooban, at naging buhay na nila at batayan ng kanilang pag-iral, kung namumuhay sila ayon sa mga salita ng Diyos, at lubusan nang nagbago at naging mga bagong tao—maituturing ito bilang pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi nangangahulugang pagkakaroon ng hustong isipan at bihasang pagkatao, ni hindi ito nangangahulugan na mas maamo ang panlabas na mga disposisyon ng mga tao kaysa dati, na dati silang mayabang ngunit ngayo’y makatwiran nang magsalita, o na dati ay wala silang pinakikinggan ngunit ngayo’y kaya na nilang makinig sa iba; hindi masasabi na ang nakikitang mga pagbabagong ito ay mga pagbabago sa disposisyon. Siyempre pa, ang mga pagbabago sa disposisyon ay kinabibilangan ng mga ganoong pagpapahayag, ngunit ang pinakamahalagang bagay ay na sa loob, nagbago na ang buhay nila. Lahat ng ito ay dahil nag-ugat na ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan sa kanilang kalooban, namumuno sa kanilang kalooban, at naging buhay na nila. Nagbago na rin ang kanilang mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay. Kitang-kita nila ang nangyayari sa mundo at sa sangkatauhan, kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, kung paano nilalabanan ng malaking pulang dragon ang Diyos, at ang diwa ng malaking pulang dragon. Kaya nilang kamuhian ang malaking pulang dragon at si Satanas sa puso nila, at kaya nilang lubos na bumaling at sumunod sa Diyos. Nangangahulugan ito na nagbago na ang kanilang disposisyon sa buhay, at nakamit na sila ng Diyos. Ang mga pagbabago sa disposisyon sa buhay ay mga pangunahing pagbabago, samantalang ang mga pagbabago sa pag-uugali ay paimbabaw. Ang mga nagkamit lang ng mga pagbabago sa disposisyon sa buhay ang mga nagtamo ng katotohanan, at sila lang ang nakamit ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 383

Ang pagbabagong-anyo ng disposisyon ng tao ay hindi pagbabago ng pag-uugali, o pakunwaring panlabas na pagbabago o pansamantalang pag-iiba na ibinunga ng sigasig. Gaano man kabuti ang mga pagbabagong ito, hindi mapapalitan ng mga ito ang mga pagbabago sa disposisyon sa buhay, dahil ang mga panlabas na pagbabagong ito ay maaaring makamtan sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng tao, pero hindi makakamtan ang mga pagbabago sa disposisyon sa buhay sa pamamagitan lang ng pagsisikap ng tao. Kailangang maranasan ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos para makamtan ito, gayundin ang pagpeperpekto ng Banal na Espiritu. Kahit nagpapakita ng kaunting mabubuting pag-uugali ang mga taong nananalig sa Diyos, wala ni isa man sa kanila ang tunay na sumusunod sa Diyos, tunay na nagmamahal sa Diyos, o nakagagawa ng kalooban ng Diyos. Bakit ganito? Dahil para makamtan ito, kailangan ang pagbabago sa disposisyon sa buhay, at ang isang pagbabago lang sa ugali ay hinding-hindi pa sapat. Ang pagbabago sa disposisyon ay nangangahulugan na mayroon kang kaalaman at karanasan sa katotohanan, at na naging buhay mo na ang katotohanan, na maaari ka nitong patnubayan, at pangibabawan ang iyong buhay at lahat ng tungkol sa iyo. Ito ay isang pagbabago sa disposisyon mo sa buhay. Ang mga taong nagtataglay ng katotohanan bilang buhay ay mga taong nagbago na ang mga disposisyon. Dati, maaaring mayroong ilang katotohanan na hindi mo maisagawa kapag naunawaan mo ang mga iyon, pero ngayon naisasagawa mo na ang anumang aspeto ng katotohanang nauunawaan mo nang walang sagabal o hirap. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, labis kang mapayapa at masaya, pero kung hindi mo maisagawa ang katotohanan, nasasaktan ka at nababagabag ang konsensya. Nakapagsasagawa ka ng katotohanan sa lahat ng bagay, nakakapamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, at mayroon kang pundasyon sa pamumuhay. Nangangahulugan ito na nagbago na ang iyong disposisyon. Madali mo nang napapakawalan ngayon ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, ang iyong mga kagustuhan at hangarin ng laman, at ang mga bagay na hindi mo mapakawalan dati; nadarama mo na ang mga salita ng Diyos ay totoong mabuti, at na ang pagsasagawa ng katotohanan ang pinakamainam na gawin. Nangangahulugan ito na nagbago na ang iyong disposisyon. Parang napakasimple ng isang pagbabago sa disposisyon, pero ang totoo ay isang proseso iyon na nangangailangan ng maraming karanasan. Sa panahong ito, kailangang dumanas ng maraming hirap ang mga tao, kailangan nilang pigilan ang sarili nilang katawan at talikdan ang kanilang laman, kailangan din nilang dumanas ng paghatol, pagkastigo, pagpupungos, pagwawasto, mga pagsubok, at pagpipino, at kailangan din nilang dumanas ng maraming kabiguan, pagbagsak, pagtatalo ng kalooban, at paghihirap sa kanilang puso. Pagkatapos nilang maranasan ang mga ito, saka lang magkakaroon ng kaunting pagkaunawa ang mga tao sa sarili nilang likas na pagkatao, pero ang kaunting pagkaunawa ay hindi agad-agad na nagbubunga ng lubos na pagbabago; kailangan nilang dumaan sa mahabang panahon ng karanasan bago nila maalis nang paunti-unti ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya nga kinakailangan ng habambuhay para mabago ang disposisyon ng isang tao. Halimbawa, kung nagpapakita ka ng katiwalian sa isang bagay, maisasagawa mo ba kaagad ang katotohanan kapag natanto mo iyon? Hindi. Habang may taglay kang pag-unawa, tinatabas ka ng iba at iwinawasto ka, at pagkatapos, ang iyong kapaligiran ay pinipilit ka at pinupwersa ka na kumilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kung minsan, hindi mo pa rin matanggap na gawin iyon, at sinasabi mo sa sarili mo, “Kailangan ko bang gawin ito nang ganito? Bakit hindi ko ito pwedeng gawin sa paraang gusto ko? Bakit lagi akong sinasabihang isagawa ang katotohanan? Ayaw kong gawin ito, sawa na ako!” Ang pagdanas ng gawain ng Diyos ay nangangailangan ng pagdaan sa sumusunod na proseso: mula sa pag-aatubiling isagawa ang katotohanan, tungo sa kahandaang isagawa ang katotohanan; mula sa pagiging negatibo at mahina, tungo sa kalakasan at pagkakaroon ng kakayahang talikdan ang laman. Kapag naabot ng mga tao ang isang tiyak na punto ng karanasan at pagkatapos ay dumaan sa ilang pagsubok, pagpipino, at sa huli ay naunawaan ang kalooban ng Diyos at ilang katotohanan, magiging masaya na sila kahit paano at handang kumilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Sa pasimula, ang mga tao ay atubiling magsagawa ng katotohanan. Gawing halimbawa ang matapat na pagtupad sa mga tungkulin: May kaunti kang pagkaunawa sa pagtupad sa mga tungkulin at pagiging matapat sa Diyos, at mayroon ka ring kaunting pagkaunawa sa mga katotohanan, subalit kailan mo ganap na iuukol ang iyong sarili sa Diyos? Kailan mo magagawang tuparin ang iyong mga tungkulin sa ngalan at gawa? Mangangailangan ito ng proseso. Sa prosesong ito, maaaring dumanas ka ng maraming hirap. Maaaring iwasto ka ng ilang tao, maaaring punahin ka ng iba. Matutuon ang lahat ng mata sa iyo, susuriin ka ng mga ito, at doon mo lamang masisimulang matanto na ikaw ay nasa mali at ang totoo ay ikaw ang nakagawa ng hindi mabuti, na hindi katanggap-tanggap ang kakulangan ng debosyon sa pagtupad sa iyong tungkulin, at hindi ka dapat maging padalos-dalos at mapagwalang-bahala. Liliwanagan ka ng Banal na Espiritu mula sa loob, at sasawayin ka kapag ikaw ay nagkamali. Sa prosesong ito, mauunawaan mo ang ilang mga bagay tungkol sa iyong sarili, at malalaman mo na labis kang di-dalisay, nagkikimkim ka ng napakaraming personal na motibo, at may napakaraming pagnanasa habang tinutupad ang iyong mga tungkulin. Sa sandaling naunawaan mo na ang diwa ng mga bagay na ito, kung makakaya mo nang lumapit sa Diyos sa panalangin at magkaroon ng tunay na pagsisisi, malilinis sa iyo ang mga tiwaling bagay na iyon. Kung, sa ganitong paraan, madalas mong hinahanap ang katotohanan upang malutas ang iyong mga sariling praktikal na problema, unti-unting tatapak ka sa tamang landas ng pananampalataya; magsisimula kang magkaroon ng mga tunay na karanasan sa buhay, at magsisimulang unti-unting madalisay ang iyong tiwaling disposisyon. Mas nadadalisay ang tiwaling disposisyon ng sinuman, mas magbabagong-anyo ang disposisyon ng kanyang buhay.

Kahit maraming tao ang gumaganap na ngayon sa kanilang tungkulin, sa diwa, ilang tao ang iniraraos lang ang kanilang tungkulin? Ilang tao ang kayang tumanggap sa katotohanan at gumanap sa kanilang mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan? Ilang tao ang tumutupad sa kanilang mga tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos matapos magbago ang kanilang mga disposisyon? Sa pamamagitan ng higit na pagsusuri sa mga bagay na ito, malalaman mo kung talagang umabot ka sa pamantayan sa pagtupad sa iyong tungkulin, at makikita mo rin nang malinaw kung nagbago na ang iyong disposisyon. Ang pagkakamit ng pagbabagong-anyo sa disposisyon ng isang tao ay hindi isang simpleng bagay; hindi ito nangangahulugan ng pagkakaroon lamang ng ilang mga pagbabago sa pag-uugali, pagkakamit ng ilang kaalaman sa katotohanan, kakayahang makapagsabi ng kaunting kaalaman ukol sa karanasan sa bawat aspeto ng katotohanan, o pagkakaroon ng kaunting pagbabago o bahagyang pagiging masunurin pagkaraang madisiplina. Ang mga bagay na ito ay hindi bumubuo ng pagbabagong-anyo ng disposisyon sa buhay ng isang tao. Bakit Ko sinasabi ito? Bagama’t maaaring medyo nagbago ka na, hindi mo pa rin totoong isinasagawa ang katotohanan. Marahil dahil ikaw ay nasa isang pansamantalang angkop na kapaligiran, at pinahihintulutan ito ng sitwasyon, o napilit ka ng mga kasalukuyang pangyayari, umaasal ka sa ganitong paraan. Dagdag pa riyan, kapag maganda ang pakiramdam mo, kapag normal ang kalagayan mo, at kapag may gawain ka ng Banal na Espiritu, maisasagawa mo ang katotohanan. Pero ipagpalagay nang nasa gitna ka ng isang pagsubok, kapag nagdurusa ka na tulad ni Job sa gitna ng iyong mga pagsubok, o nahaharap ka sa pagsubok ng kamatayan. Kapag dumating ito, magagawa mo pa rin bang isagawa ang katotohanan, manindigan sa patotoo? May masasabi ka bang tulad ng sinabi ni Pedro, “Kahit mamatay ako matapos Kang makilala, paanong hindi ako mamamatay nang may labis na galak at saya?” Ano ang pinahalagahan ni Pedro? Ang pinahalagahan ni Pedro ay ang pagsunod, at itinuring niyang pinakamahalagang bagay ang pagkilala sa Diyos, kaya nagawa niyang sumunod hanggang kamatayan. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi nangyayari sa loob ng magdamag; kinakailangan ng habambuhay na karanasan para makamtan ito. Medyo mas madaling maunawaan ang katotohanan, pero mahirap maisagawa ang katotohanan sa iba’t ibang konteksto. Bakit laging nahihirapan ang mga tao na isagawa ang katotohanan? Sa katunayan, ang mga paghihirap na ito ay direktang may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at sagabal ang lahat ng iyon na nagmumula sa mga tiwaling disposisyon. Samakatuwid, kailangan mong magdusa nang husto at magbayad ng halaga para maisagawa ang katotohanan. Kung wala kang mga tiwaling disposisyon, hindi mo kakailanganing magdusa at magbayad ng halaga para maisagawa ang katotohanan. Hindi ba ito isang malinaw na katunayan? Minsan, mukhang isinasagawa mo ang katotohanan, ngunit ang totoo, ang ikinikilos mo ay hindi nagpapakita na isinasagawa mo ang katotohanan. Sa pagsunod sa Diyos, maraming tao ang nagagawang isantabi ang kanilang pamilya at trabaho at tuparin ang kanilang mga tungkulin, na dahil dito naniniwala silang isinasagawa nila ang katotohanan. Gayunpaman, hindi nila kailanman nagagawang magbigay ng tunay na patotoo batay sa kanilang karanasan. Ano ba talaga ang nangyayari dito? Kung susukatin sila ayon sa mga haka-haka ng tao, mukhang isinasagawa nila ang katotohanan, subalit hindi kinikilala ng Diyos ang ginagawa nila bilang pagsasagawa ng katotohanan. Kung ang mga bagay na ginagawa mo ay may personal na mga motibo sa likod nito at hindi puro, malamang na lumihis ka sa mga prinsipyo, at hindi masasabing nagsasagawa ka ng katotohanan; isa lamang itong uri ng pag-uugali. Ang totoo, malamang na isumpa ng Diyos ang ganitong klaseng pag-uugali mo; hindi Niya ito pupurihin o maaalala. Kung mas susuriin pa ang diwa at ugat nito, ikaw ay isang tao na gumagawa ng masama, at ang mga ipinapakita mong pag-uugali ay sumasalungat sa Diyos. Kung titingnan mula sa labas, hindi ka nakagagambala sa anumang bagay at hindi ka nakagawa ng totoong pinsala. Mukhang makatwiran at makatarungan iyon, subalit sa loob nito, naroon ang mga karumihan at intensiyon ng tao, at ang diwa nito ay ang paggawa ng kasamaan at paglaban sa Diyos. Samakatuwid, dapat kang magpasya kung mayroon nang pagbabago sa iyong disposisyon at kung isinasagawa mo ang katotohanan gamit ang mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagtingin sa mga motibo sa likod ng iyong mga sariling pagkilos. Hindi iyon nakasalalay sa kung ang mga kilos mo ba ay base sa mga imahinasyon at intensyon ng tao, o kung ito ba ay angkop sa iyong panlasa; ang mga bagay na ito ay hindi mahalaga. Bagkus, nakadepende iyon sa pagsasabi ng Diyos kung sumusunod ka o hindi sa Kanyang kalooban, kung ang iyong mga kilos ay mayroong realidad ng katotohanan o wala, at kung tumutugon ang mga ito o hindi sa Kanyang mga hinihingi at pamantayan. Ang pagsukat lamang ng iyong sarili ayon sa mga hinihingi ng Diyos ang tama. Ang pagbabago sa disposisyon at pagsasagawa ng katotohanan ay hindi kasingpayak at kasindali ng inaakala ng tao. Nauunawaan mo na ba ito ngayon? May karanasan ka ba rito? Pagdating sa diwa ng isang suliranin, maaaring hindi ninyo ito maunawaan; labis na mababaw ang inyong pagpasok. Paroo’t parito kayo sa maghapon, mula bukang-liwayway hanggang takipsilim, bumabangon nang maaga at natutulog nang gabing-gabi na, subalit hindi pa ninyo nakakamit ang pagbabago sa inyong disposisyon sa buhay, at hindi ninyo maintindihan kung ano ang kailangan sa gayong pagbabago. Ibig sabihin ay napakababaw ng inyong pagpasok, hindi ba? Gaano katagal man kayo naniniwala sa Diyos, maaaring hindi ninyo madama ang diwa at malalalim na bagay na gagawin sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon. Masasabi bang nagbago na ang iyong disposisyon? Paano ninyo malalaman kung pinupuri kayo ng Diyos o hindi? Kahit paano, madarama mo ang natatanging katatagan hinggil sa lahat ng iyong ginagawa, at madarama mo na ginagabayan at nililiwanagan ka ng Banal na Espiritu at gumagawa Siya sa iyo habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin, ginagawa ang anumang gawain sa sambahayan ng Diyos, o karaniwan. Ganap na aakma sa mga salita ng Diyos ang iyong pag-uugali, at kapag nagtamo ka na ng ilang antas ng karanasan, madarama mo na naaangkop kahit papaano kung paano ka kumilos noong araw. Gayunman, kung makaraang magtamo ng karanasan sa loob ng ilang panahon, nadarama mo na hindi angkop ang ilan sa mga bagay na ginawa mo noong araw, at hindi ka nasisiyahan sa mga iyon, at nadarama mo na ang mga bagay na iyong ginawa ay hindi naaayon sa katotohanan, pinatutunayan nito, kung gayon, na ang lahat ng iyong nagawa ay ginawa bilang paglaban sa Diyos. Katunayan ito na ang iyong paglilingkod ay puno ng pagkasuwail, paglaban, at mga paraan ng pagkilos ng tao, at na lubos kang nabigong makamtan ang mga pagbabago sa disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 384

Sa pagsukat kung masusunod ng mga tao ang Diyos o hindi, ang mahalagang tingnan ay kung may hinahangad silang anumang labis-labis mula sa Diyos, at kung may iba pa silang mga lihim na motibo o wala. Kung laging humihiling ang mga tao sa Diyos, pinatutunayan nito na hindi sila masunurin sa Kanya. Anuman ang mangyari sa iyo, kung hindi mo ito natatanggap mula sa Diyos, hindi nahahanap ang katotohanan, laging nagsasalita mula sa iyong pansariling pangangatwiran at laging nadarama na ikaw lamang ang tama, at kaya pa ngang pagdudahan na ang Diyos ang katotohanan at pagiging matuwid, magkakaproblema ka. Ang gayong mga tao ang pinakamayabang at pinakasuwail sa Diyos. Ang mga taong laging may hinihiling sa Diyos ay hindi kailanman totoong makasusunod sa Kanya. Kung humihiling ka sa Diyos, pinatutunayan nito na nakikipagtawaran ka sa Kanya, na pinipili mo ang mga sarili mong saloobin, at kumikilos ayon sa mga sarili mong saloobin. Dito, ipinagkakanulo mo ang Diyos, at walang pagsunod. Walang katuturan ang paghingi sa Diyos; kung totoong naniniwala ka na Siya ang Diyos, hindi ka mangangahas na humiling sa Kanya, o hindi ka magiging karapat-dapat na humiling sa Kanya, makatwiran man ang mga ito o hindi. Kung may totoo kang pananampalataya sa Diyos, at naniniwala na Siya ang Diyos, kung gayon ay wala kang mapagpipilian kundi sambahin at sundin Siya. Hindi lamang gumagawa ng sarili nilang mga pagpili ang mga tao ngayon, hinihingi pa nilang kumilos ang Diyos alinsunod sa sarili nilang kagustuhan. Hindi lamang nila hindi pinipiling sundin ang Diyos, hinihingi pa nilang sundin sila ng Diyos. Hindi ba’t wala ito sa katwiran? Samakatuwid, kung walang totoong matibay na paniniwala ang tao, walang malaking pananampalataya, hindi nila kailanman matatamo ang papuri ng Diyos. Kapag nagagawa na ng mga taong bawasan ang mga hinihingi nila sa Diyos, lalago ang kanilang totoong matibay na paniniwala at ang kanilang pagkamasunurin, at magiging normal din kung ihahambing ang kanilang pangangatwiran. Madalas mangyari na kapag mas mahilig mangatwiran ang mga tao, at mas marami silang ikinakatwiran, mas mahirap silang pakitunguhan. Hindi lamang sila maraming hinihiling, kundi humihiling pa sila ng iba kapag napagbigyan. Kapag nasiyahan sa isang larangan, humihiling sila sa isa pa, kailangan silang masiyahan sa lahat ng larangan, at kung hindi, nagsisimula silang magreklamo, at itinuturing ang kanilang sarili na walang pag-asa. Paglaon, nakadarama sila ng pagkakautang at nagsisisi, at nananangis sila ng mapapait na luha, at ibig nang mamatay. Ano ang silbi sa ganyan? Hindi ba’t wala ito sa katwiran? Ang magkakasunod na problemang ito ay kailangang malutas mula sa ugat. Kung ikaw ay mayroong tiwaling disposisyon at hindi mo ito nilulutas, at kung ipinipilit mong maghintay hanggang sa malagay ka sa gusot o magdulot ng sakuna bago lutasin ito, paano mo mapupunan ang mga pagkawalang ito? Hindi ba’t huli na para maisip ito? Samakatuwid, upang lubusang malutas ang problema ng tiwaling disposisyon, dapat mong hanapin ang katotohanan para malutas ito sa unang pagkakataong lumitaw ito. Dapat mong lutasin ang tiwaling disposisyon sa pag-usbong pa lamang nito, nang sa gayon ay matiyak na hindi ka makagagawa ng pagkakamali at maiiwasan ang mga gusot sa hinaharap. Kung ang tiwaling disposisyon ay nag-uugat at nagiging saloobin at pananaw ng isang tao, magagawa nitong diktahan ang tao na gumawa ng kasamaan. Samakatuwid, ang pangunahing layon ng pagninilay sa sarili at pagkakilala sa sarili ay ang matuklasan ang mga tiwaling disposisyon, at mabilis na mahanap ang katotohanan para malutas ang mga ito. Dapat mong malaman kung anong mga bagay ang nasa likas na pagkatao mo, kung ano ang gusto mo, ano ang hinahangad mo, at ano ang gusto mong makamit. Dapat mong suriin ang mga bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos para makita kung ang mga ito ay naaayon sa kalooban ng Diyos, at makita kung bakit mali ang mga ito. Kapag naunawaan mo na ang mga bagay na ito, dapat mong lutasin ang problema tungkol sa pagiging hindi normal ng pangangatwiran, ibig sabihin, ang suliranin ng pagiging wala sa katwiran. Hindi lamang ito problema sa tiwaling disposisyon, kundi sa kawalan ng katwiran. Lalo na kapag may kinalaman ito sa mga interes ng mga tao, ang mga taong pinangingibabawan ng mga interes ay maaaring maging wala sa katwiran. Isa itong problema sa pag-iisip, at ito rin ang kahinaan ng mga tao. Pakiramdam ng ilang tao ay mayroon silang partikular na kakayahan at mga kaloob, at palagi nilang gustong maging mga lider para mamukod-tangi, kaya hinihiling nila sa Diyos na gamitin sila. Kung hindi sila ginagamit ng Diyos, sinasabi nila, “Paanong hindi ako pinapaboran ng Diyos? Diyos ko, kung gagamitin Mo po ako para makagawa ng isang mahalagang bagay, nangangako akong gugugol para sa Iyo!” Tama ba ang ganitong uri ng layunin? Mabuting bagay ang gumugol para sa Diyos, ngunit mayroong mga motibasyon sa likod ng kagustuhan nilang gumugol para sa Diyos. Ang tunay na iniibig nila ay ang katayuan, at ito ang binibigyan nila ng pansin. Kung tunay na masunurin ang mga tao, makasusunod sila sa Diyos nang buong puso, ginagamit man sila o hindi ng Diyos, at maaari silang gumugol para sa Diyos mayroon man silang katayuan o wala. Ang mga taong ito lamang ang maituturing na nasa katwiran at masunurin sa Diyos. Mabuti kapag ang mga tao ay bukal sa loob na gumugugol para sa Diyos, at handa ang Diyos na gamitin ang ganitong mga tao, ngunit kung hindi sila nasasangkapan ng katotohanan, walang paraan ang Diyos para gamitin sila. Kung ang mga tao ay handang magsikap para sa katotohanan at makipagtulungan, dapat na magkaroon ng yugto ng paghahanda. Pormal lamang na magagamit ng Diyos ang mga tao kapag nauunawaan na nila ang katotohanan at kaya na nilang tunay na sumunod sa Diyos. Kailangang-kailangan ang yugtong ito ng pagsasagawa. Ang mga lider at manggagawa sa kasalukuyan ay naritong lahat sa yugtong ito ng pagsasagawa. Pagkatapos nilang magkaroon ng karanasan sa buhay at kaya na nilang kumilos nang may prinsipyo, magiging marapat na silang gamitin ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 385

Ang tanging saloobing dapat taglayin ng isang nilalang sa Lumikha ay yaong pagsunod, walang kondisyong pagsunod. Ito ay isang bagay na maaaring hindi matanggap ng ilang tao ngayon. Ito ay dahil napakaliit ng tayog ng tao at wala silang realidad ng katotohanan. Kung malamang na magkamali ka ng pagkaunawa sa Diyos kapag may ginagawa ang Diyos na mga bagay na taliwas sa iyong mga kuru-kuro—at malamang na masuway mo pa ang Diyos, at talikuran Siya—kung gayon ay malayong magawa mo na sumunod sa Diyos. Habang ang tao ay tinutustusan at dinidiligan ng salita ng Diyos, ang tao sa katunayan ay nagsisikap para sa iisang mithiin, na magawang makamtan ang walang kondisyon, lubos na pagpapasakop sa Diyos sa dakong huli—kung kailan, ikaw, ang nilikhang ito, ay nakaabot na sa kinakailangang pamantayan. May mga panahon na sinasadya ng Diyos na gumawa ng mga bagay na taliwas sa mga kuru-kuro mo, at sinasadya Niyang gumawa ng mga bagay na salungat sa mga ninanais mo, at maaari pa ngang tila taliwas sa katotohanan, at laban sa mga nadarama ng tao, at nakasasakit sa iyo; ang mga bagay na ito ay maaaring mahirap para sa iyo na tanggapin, maaaring hindi mo maunawaan ang mga bagay na ito, at gaano mo man suriin ang mga ito, maaaring mali ang mga ito sa iyo at hindi mo magawang tanggapin ang mga ito, maaaring madama mo na wala sa katwiran ang Diyos para gawin ito—ngunit ang totoo, sinadya ng Diyos na gawin ito. Ano ang pakay ng Diyos sa paggawa ng mga bagay na ito? Ito ay para subukin at ilantad ka, para makita kung magagawa mo bang hanapin ang katotohanan o hindi, kung may tunay ka bang pagsunod sa Diyos o wala. Huwag maghanap ng batayan para sa lahat ng ginagawa at hinihingi ng Diyos, at huwag magtanong kung bakit. Walang silbi ang subukang mangatwiran sa Diyos. Kailangan mo lang kilalanin na ang Diyos ang katotohanan at magkaroon ng kakayahan na lubos na sumunod. Kailangan mo lang kilalanin na ang Diyos ang iyong Lumikha at ang iyong Diyos. Mas mataas ito kaysa anumang pangangatwiran, mas mataas kaysa anumang makamundong karunungan, mas matayog kaysa anumang moralidad, etika, kadalubhasaan, pilosopiya, o tradisyunal na kultura ng tao—mas mataas maging sa mga emosyon ng tao, sa pagiging matuwid ng tao, at sa tinaguriang pag-ibig ng tao. Mas mataas ito kaysa anupaman. Kung hindi ito malinaw sa iyo, darating ang isang araw sa malao’t madali na may mangyayari sa iyo at babagsak ka. Pinakamababa nang magrerebelde ka sa Diyos at tatahak sa lihis na landas; kung sa huli ay magagawa mong magsisi, at makilala ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at makilala ang kahalagahan ng gawain ng Diyos sa iyo, magkakaroon ka pa rin ng pag-asang maligtas—ngunit kung ikaw ay mahulog dahil sa bagay na ito at hindi mo nagawang bumangon, wala ka nang pag-asa. Hinahatulan man, kinakastigo, o isinusumpa ng Diyos ang mga tao, ang lahat ng ito ay para mailigtas sila, at hindi sila dapat matakot. Ano ang dapat mong ikatakot? Dapat mong katakutan ang pagsasabi ng Diyos ng, “Kinamumuhian at itinatakwil Kita.” Kapag sinabi ito ng Diyos, nasa panganib ka: Ibig sabihin nito ay hindi ka ililigtas ng Diyos, na wala ka nang pag-asang maligtas. Kaya, sa pagtanggap sa gawain ng Diyos, dapat na maunawaan ng mga tao ang kalooban ng Diyos. Anuman ang iyong ginagawa, huwag mong hanapan ng mali ang mga salita ng Diyos, at sabihing, “Ayos lang ang paghatol at pagkastigo, pero ang pagkondena, pagsumpa, pagwasak—hindi ba’t ibig sabihin noon ay katapusan na ng lahat sa akin? Ano ang halaga ng pagiging isang nilikha ng Diyos? Kaya hindi na ako magiging isang nilikha, at hindi Ka na magiging Diyos ko.” Kung tinatanggihan mo ang Diyos at hindi ka naninindigan sa iyong patotoo, maaaring itakwil ka talaga ng Diyos. Alam ba ninyo ito? Gaano man katagal nang nananalig ang mga tao sa Diyos, gaano man karaming daan ang nalakbay na nila, gaano man karami ang gawain na nagawa na nila, o gaano man karaming tungkulin ang nagampanan na nila, ang lahat ng ginawa nila sa panahong ito ay para mapaghandaan ang isang bagay. Ano iyon? Naghahanda sila para magkaroon sa huli ng lubusang pagsunod sa Diyos, ng walang kondisyong pagsunod. Ano ang ibig sabihin ng “walang kondisyon”? Ang ibig sabihin nito ay hindi ka mangangatwiran, at wala kang sasabihin tungkol sa mga sarili mong obhektibong dahilan, ibig sabihin nito ay wala kang magiging walang-saysay na pagtutol; isa kang nilikha ng Diyos, hindi ka karapat-dapat para dito. Kapag gumagawa ka ng walang-saysay na pagtutol sa Diyos, mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan, at kapag sinusubukan mong mangatwiran sa Diyos—muli, mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan. Huwag kang makipagtalo sa Diyos, huwag mo palaging subukang isipin ang dahilan, huwag kang magpumilit na makaunawa bago sumunod, at hindi sumusunod kapag hindi mo nauunawaan. Kapag ginawa mo ito, mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan, kung gayon ay hindi lubos ang iyong pagsunod sa Diyos; ito ay pagsunod na depende sa sitwasyon at may kondisyon. Ang mga gumagawa ba ng kondisyon para sa kanilang pagsunod sa Diyos ay mga tao na tunay na sumusunod sa Diyos? Tinatrato mo ba ang Diyos bilang Diyos? Sinasamba mo ba ang Diyos bilang ang Lumikha? Kung hindi, hindi ka kinikilala ng Diyos. Ano ang dapat mong maranasan para matamo ang walang pasubali at walang kondisyong pagsunod sa Diyos? At paano ka dapat dumanas? Una, dapat tanggapin ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, dapat nilang tanggapin ang pagtabas at pagwawasto. Bukod pa rito, dapat nilang tanggapin ang atas ng Diyos, dapat nilang hangarin ang katotohanan habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, dapat nilang maunawaan ang iba’t ibang aspeto ng katotohanan na may kaugnayan sa pagpasok sa buhay, at matamo ang pagkaunawa sa kalooban ng Diyos. Kung minsan, ito ay lampas sa kakayahan ng mga tao, at wala silang mga kapasidad na makaintindi para matamo ang pagkaunawa sa katotohanan, at kaya lamang makaunawa nang kaunti kapag nagbabahagi ang iba sa kanila o sa pamamagitan ng pagkatuto ng mga aral mula sa iba’t ibang sitwasyong nilikha ng Diyos. Ngunit kailangan mong malaman na dapat kang magkaroon ng pusong sumusunod sa Diyos, hindi mo dapat subukang mangatwiran sa Diyos o gumawa ng mga kondisyon; ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kung ano ang nararapat na gawin, sapagkat Siya ang Lumikha; ikaw ay isang nilikha ng Diyos, at dapat kang magkaroon ng saloobin ng pagsunod, at hindi ka dapat palaging humihingi ng dahilan o nagsasalita tungkol sa mga kondisyon. Kung wala ka ng kahit na pinakapayak na saloobin ng pagsunod, at malamang pa na magduda o mag-ingat sa Diyos, o mag-isip, sa iyong puso, “Dapat kong tingnan kung ililigtas talaga ako ng Diyos, kung talagang matuwid ang Diyos. Sinasabi ng lahat na ang Diyos ay pag-ibig—kung gayon, dapat kong makita kung may pag-ibig nga talaga sa ginagawa sa akin ng Diyos, kung pag-ibig talaga ito,” kung palagi mong sinusuri kung ang ginagawa ng Diyos ay naaayon sa mga kuru-kuro at panlasa mo, o maging sa pinaniniwalaan mo na katotohanan, kung gayon ay mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan, at nasa panganib ka: Malamang na malalabag mo ang disposisyon ng Diyos. Ang mga katotohanang may kinalaman sa pagsunod ay mahalaga, at walang katotohanan ang maaaring lubos at malinaw na maipahayag sa pamamagitan lamang ng dalawang pangungusap; ang lahat ng ito ay nauugnay sa iba’t ibang kalagayan at katiwalian ng mga tao. Ang pagpasok sa realidad ng katotohanan ay hindi matatamo sa isa o dalawang taon—o sa tatlo o lima. Nangangailangan ito ng pagdanas ng maraming bagay, pagdanas ng maraming paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pagdanas ng maraming pagtatabas at pagwawasto, at sa huli ay pagtatamo ng kakayahang magsagawa ng katotohanan. Saka lamang magiging epektibo ang paghahangad ng katotohanan, at saka lamang magtataglay ang mga tao ng realidad ng katotohanan. Tanging ang mga nagtataglay ng realidad ng katotohanan ang mga may tunay na karanasan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 386

Habang nararanasan ang gawain ng Diyos, kahit ilang beses ka pang nabigo, nabuwal, natabas, naiwasto, o nailantad, hindi masasamang bagay ang mga ito. Paano ka man natabas o naiwasto, o mga lider, manggagawa, o kapatid mo man ang gumawa niyon, mabubuting bagay ang lahat ng iyon. Dapat mong tandaan ito: Gaano ka man nagdurusa, ang totoo ay nakikinabang ka. Sinumang may karanasan ay mapapatunayan ito. Ano’t anupaman, ang matabas, maiwasto, o mailantad ay laging isang mabuting bagay. Hindi ito pagkokondena. Ito ay pagliligtas ng Diyos at ang pinakamagandang pagkakataon para makilala mo ang iyong sarili. Maaari nitong baguhin ang karanasan mo sa buhay. Kung wala ito, hindi ka magkakaroon ng pagkakataon, ng kundisyon, ni ng konteksto para maunawaan mo ang katotohanan ng iyong katiwalian. Kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan, at nagagawa mong ungkatin ang mga tiwaling bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso mo, kung malinaw mong matutukoy ang mga ito, mabuti ito, nalutas nito ang isang malaking problema sa pagpasok sa buhay, at malaking pakinabang sa mga pagbabago sa disposisyon. Ang tunay na makilala ang iyong sarili ang pinakamagandang pagkakataon para mabago mo ang iyong mga pag-uugali at maging isa kang bagong tao; ito ang pinakamagandang oportunidad para magkaroon ka ng bagong buhay. Kapag tunay mong nakilala ang iyong sarili, makikita mo na kapag ang katotohanan ay naging buhay ng isang tao, mahalagang bagay iyon talaga, at mauuhaw ka sa katotohanan, isasagawa mo ang katotohanan, at papasok sa realidad nito. Napakagandang bagay niyan! Kung maaari mong samantalahin ang pagkakataong iyan at taimtim kang magninilay-nilay sa iyong sarili at magtatamo ng tunay na kaalaman tungkol sa iyong sarili tuwing ikaw ay mabibigo o madadapa, sa kabila ng pagiging negatibo at kahinaan, magagawa mong tumayong muli. Kapag nakaraan ka na sa pintuang ito, makakaya mo nang gumawa ng malaking hakbang at pumasok sa realidad ng katotohanan.

Kung naniniwala ka sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kung gayon ay dapat kang maniwala na ang mga pang-araw-araw na pangyayari, mabuti man o masama ang mga ito, ay hindi basta na lamang nagaganap. Hindi ito dahil may isang sinasadyang magpahirap sa iyo o pumuntirya sa iyo; lahat ng ito ay isinaayos at pinangasiwaan ng Diyos. Bakit pinangangasiwaan ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ito? Hindi ito para ibunyag kung sino ka o upang ilantad at palayasin ka; ang paglalantad sa iyo ay hindi ang panghuling mithiin. Ang mithiin ay gawin kang perpekto at iligtas ka. Paano ka ginagawang perpekto ng Diyos? At paano ka Niya inililigtas? Nagsisimula Siya sa pamamagitan ng pagpapabatid sa iyo ng iyong sariling tiwaling disposisyon, at sa pamamagitan ng pagpapaalam sa iyo ng iyong kalikasan at diwa, ng iyong mga pagkakamali, at kung ano ang kulang sa iyo. Tanging sa pag-alam sa mga bagay na ito at pagkakaroon ng malinaw na pag-unawa ng mga ito mo lamang makakayang itaguyod ang katotohanan at unti-unting maiwaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Ito ang Diyos na nagkakaloob sa iyo ng pagkakataon. Ito ang habag ng Diyos. Dapat mong malaman kung paano sasamantalahin ang pagkakataong ito. Hindi ka dapat sumalungat sa Diyos, makipagtalo sa Diyos, o magkamali ng pagkaunawa sa Kanya. Lalo na kapag naharap sa mga tao, pangyayari, at bagay na isinasaayos ng Diyos sa paligid mo, huwag laging pakiramdaman na hindi ayon sa nais mo ang mga bagay-bagay, huwag laging naisin na matakasan sila o laging sisihin at hindi unawain ang Diyos. Kung lagi mong ginagawa ang mga bagay na iyon, kung gayon ay hindi mo dinaranas ang gawain ng Diyos, at magiging napakahirap para sa iyo na pumasok sa realidad ng katotohanan. Anumang makaharap mo na hindi mo ganap na maunawaan, kapag lumilitaw ang mga paghihirap, dapat mong matutuhang magpasakop. Dapat kang magsimula sa paglapit sa Diyos at higit na pananalangin. Sa ganyang paraan, bago mo pa mamalayan, magkakaroon ng pagbabago sa iyong panloob na kalagayan, at magagawa mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang iyong suliranin. Sa gayon, magagawa mong maranasan ang gawain ng Diyos. Habang nagaganap ito, ang realidad ng katotohanan ay mahuhubog sa loob mo, at sa ganito ka susulong at sasailalim sa isang pagbabago ng kalagayan ng iyong buhay. Sa sandaling napagdaanan mo na ang pagbabagong ito at nagtataglay ka ng realidad ng katotohanan na ito, mag-aangkin ka rin ng tayog, at kasama ng tayog ang buhay. Kung ang sinuman ay laging nabubuhay batay sa isang tiwaling satanikong disposisyon, kung gayon, gaano man kalaking kasiglahan at kalakasan ang mayroon sila, hindi pa rin sila maituturing na may angking tayog, o buhay. Gumagawa ang Diyos sa bawat isang tao, at kung anuman ang Kanyang pamamaraan, anong uri ng mga tao, pangyayari at bagay ang ginagamit Niya sa Kanyang pagseserbisyo, o anumang uri ng tono mayroon ang mga salita Niya, isa lamang ang Kanyang panghuling mithiin: iligtas ka. At paano ka Niya inililigtas? Binabago ka Niya. Kaya paanong hindi ka magdurusa nang bahagya? Kakailanganing magdusa ka. Ang pagdurusang ito ay maaaring kapalooban ng maraming bagay. Una, kailangang magdusa ang mga tao kapag tinatanggap nila ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Kapag masyadong matindi at tahasan ang mga salita ng Diyos at nagkakamali ng pag-unawa ang mga tao sa Diyos—at mayroon pang mga kuru-kuro—maaaring masakit din iyon. Kung minsan ay nagpapalitaw ng sitwasyon ang Diyos sa paligid ng mga tao para ilantad ang kanilang katiwalian, para pagnilayan at makilala nila ang kanilang sarili, at magdurusa rin sila nang kaunti roon. Kung minsan, kapag tuwiran silang pinungusan, iwinasto, at inilantad, dapat magdusa ang mga tao; para silang inooperahan. Kung walang pagdurusa, walang epekto iyon. Kung sa tuwing ikaw ay tinatabasan at iwinawasto, at tuwing inilalantad ka ng isang sitwasyon, pinupukaw nito ang iyong mga damdamin at pinalalakas ka, pagkatapos sa pamamagitan ng prosesong ito ay makakapasok ka sa realidad ng katotohanan, at magkakaroon ng tayog. Kung, tuwing ikaw ay sumasailalim sa pagtatabas at pagwawasto, at sa paglalantad ng isang sitwasyon, wala kang nararamdamang anumang sakit o hirap, at wala kang nararamdamang anuman, at kung hindi ka lalapit sa Diyos para hangarin ang Kanyang kalooban, hindi nagdarasal o naghahanap ng katotohanan, talagang napakamanhid mo! Hindi gumagawa ang Diyos sa iyo kapag walang nadarama ang espiritu mo, kapag hindi ito tumutugon. Sasabihin Niya: “Napakamanhid ng taong ito at napakalalim na ng kanyang pagkatiwali. Paano Ko man siya disiplinahin, iwasto, o subukang kontrolin, hindi Ko pa rin mapukaw ang kanyang puso o magising ang kanyang espiritu. Malalagay sa gulo ang taong ito; hindi siya madaling iligtas.” Kung isinasaayos ng Diyos ang ilang kapaligiran, tao, pangyayari at bagay para sa iyo, kung tinatabas at iwinawasto ka Niya at kung may natututuhan kang mga aral mula rito, kung natuto ka nang lumapit sa Diyos, natutong hanapin ang katotohanan, at, hindi namamalayan, binibigyang-liwanag at tinatanglawan at nagtatamo ka ng katotohanan, kung nakaranas ka na ng pagbabago sa mga kapaligirang ito, nagantimpalaan, at sumulong, kung unti-unti ka nang nagkakaroon ng kaunting pagkaunawa sa kalooban ng Diyos at hindi ka na nagrereklamo, lahat ng ito ay mangangahulugan na nanindigan ka sa gitna ng mga pagsubok ng mga kapaligirang ito, at natiis mo ang pagsubok. Kung gayon, nalampasan mo na ang mahigpit na pagsubok na ito. Paano ituturing ng Diyos yaong mga nakakayanan ang pagsubok? Sasabihin ng Diyos na mayroon silang tunay na puso, at na kaya nilang tiisin ang ganitong uri ng pagdurusa dahil, sa kaibuturan nila, minamahal nila at ninanais na makamit ang katotohanan. Kung mayroong ganitong uri ng pagtatasa sa iyo ang Diyos, hindi ka ba isang taong may tayog? Hindi ka ba may buhay kung gayon? At paano nakakamit ang buhay na ito? Ito ba ay ipinagkakaloob ng Diyos? Tinutustusan ka ng Diyos sa iba’t ibang paraan at gumagamit Siya ng iba’t ibang tao, bagay, at kagamitan upang sanayin ka. Ito ay para bang ang Diyos ay personal na nagbibigay sa iyo ng pagkain at inumin, personal na naghahatid ng iba’t ibang pagkain sa harap mo para kainin mo hanggang mabusog at masiyahan ka; saka ka lamang lalago at tatatag. Ganito mo dapat danasin at unawain ang mga bagay na ito; ganito ang magpasakop sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos. Ito ang uri ng pag-iisip at saloobing dapat mong taglayin, at dapat kang matutong hanapin ang katotohanan. Hindi ka dapat laging naghahanap ng mga panlabas na sanhi o sinisisi ang iba para sa iyong mga suliranin o naghahanap ng mga pagkakamali sa mga tao; dapat kang magkaroon ng isang malinaw na pag-unawa sa kalooban ng Diyos. Sa panlabas, maaaring tila mayroong mga opinyon tungkol sa iyo o pagkiling laban sa iyo ang ilang tao, ngunit hindi mo dapat tingnan ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan. Kung titingnan mo ang mga bagay-bagay mula sa ganitong uri ng pananaw, ang tanging gagawin mo ay magdahilan, at hindi ka makapagkakamit ng anuman. Dapat mong tingnan ang mga bagay-bagay nang walang kinikilingan at tanggapin ang lahat mula sa Diyos. Kapag tiningnan mo ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, magiging madali para sa iyo na sundin ang gawain ng Diyos, at magagawa mong hanapin ang katotohanan, at maiintindihan mo ang kalooban ng Diyos. Sa sandaling naitama na ang iyong pananaw at kalagayan ng pag-iisip, magagawa mong makamtan ang katotohanan. Kaya’t bakit hindi mo na lamang ito gawin? Bakit ka lumalaban? Kung ikaw ay tumigil sa paglaban, makakamit mo ang katotohanan. Kung lalaban ka, wala kang makakamit na anuman, at masasaktan mo rin ang damdamin ng Diyos at madidismaya mo Siya. Paano madidismaya ang Diyos? Hindi mo tinatanggap ang katotohanan, wala kang pag-asang maligtas, at hindi ka nakakamit ng Diyos, kaya paanong hindi Siya madidismaya? Kapag hindi mo tinatanggap ang katotohanan, katumbas ito ng pagwawaksi sa pagkaing personal nang inihandog sa iyo ng Diyos. Sinasabi mong hindi ka nagugutom at na hindi mo ito kailangan; paulit-ulit na sinusubukan ng Diyos na hikayatin kang kumain, ngunit ayaw mo pa rin. Mas gugustuhin mo pang magutom. Iniisip mong busog ka, kahit na ang totoo, wala kang kahit ano. Ang mga taong katulad nito ay kulang na kulang sa katuturan, at lubhang nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba; tunay ngang hindi nila alam ang isang mabuting bagay kapag nakita nila ito, sila ang pinakamahirap at kaawa-awang mga tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Usapin, at Bagay sa Malapit

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 387

Sa kanilang gawain, kailangang bigyang-pansin ng mga lider at manggagawa ng iglesia ang dalawang prinsipyo: Ang isa ay ang gawing ganap ang kanilang gawain ayon sa mga prinsipyong nakasaad sa mga pagsasaayos ng gawain, nang hindi kailanman nilalabag ang mga prinsipyong iyon at hindi ibinabatay ang kanilang gawain sa anumang maaari nilang mailarawan sa isip o sa alinman sa mga sarili nilang pag-iisip. Sa lahat ng ginagawa nila, dapat silang magpakita ng malasakit sa gawain ng iglesia, at laging unahin ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Isang bagay pa—at ito ang pinakamahalaga—iyon ay sa lahat ng bagay, dapat silang magtuon sa pagsunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at gawin ang lahat nang mahigpit na sinusunod ang mga salita ng Diyos. Kung nakakaya pa rin nilang salungatin ang patnubay ng Banal na Espiritu, o kung sutil pa rin nilang sinusunod ang sarili nilang mga ideya at ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang imahinasyon, ang mga kilos nila ang bubuo sa pinakamatinding paglaban sa Diyos. Walang patutunguhan ang madalas nilang pagtalikod sa kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu. Kung maiwawala nila ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi na nila magagawang magtrabaho; at kahit pa magawa nilang makapagtrabaho kahit paano, wala silang matatapos. Ito ang dalawang pangunahing prinsipyong dapat sundin ng mga lider at manggagawa habang gumagawa: Ang isa ay ang gampanan ang gawain nila nang ganap na naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas, gayundin ang kumilos ayon sa mga prinsipyong naitakda ng nasa Itaas; at ang isa pa ay ang sumunod sa patnubay ng Banal na Espiritu na nasa loob nila. Sa sandaling maunawaan ang dalawang prinsipyong ito, hindi na sila gaanong manganganib na makagawa ng mga pagkakamali. Limitado pa rin ang karanasan ninyo sa paggawa ng gawain ng iglesia, at kapag gumagawa kayo, labis itong nahahaluan ng sarili ninyong mga ideya. Paminsan-minsan, maaaring hindi ninyo maunawaan ang kaliwanagan o patnubay sa inyong kalooban na nagmumula sa Banal na Espiritu; sa ibang mga pagkakataon, tila nauunawaan ninyo ito, ngunit malamang na balewalain ninyo ito. Lagi kayong naglalarawan sa isip o naghihinuha sa paraan ng tao, kumikilos ayon sa inaakala ninyong naaangkop, nang hindi man lamang isinasaalang-alang ang mga layunin ng Banal na Espiritu. Ginagawa ninyo ang inyong gawain ayon lamang sa sarili ninyong mga ideya, isinasantabi ang anumang kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. Madalas mangyari ang gayong mga sitwasyon. Ang patnubay ng Banal na Espiritu sa inyong kalooban ay hindi man lamang higit sa normal; sa katunayan, normal na normal ito. Ibig sabihin, sa kaibuturan ng inyong puso, alam ninyo na ito ang angkop na paraan ng pagkilos, at ito ang pinakamainam na paraan. Talagang malinaw rin naman ang kaisipang ito; hindi ito nagmula sa pagninilay, at kung minsan ay hindi ninyo lubos na nauunawaan kung bakit dapat kayong kumilos sa ganitong paraan. Kadalasan ito ay walang iba kundi kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. Nangyayari ito kadalasan sa mga taong may karanasan. Ginagabayan ka ng Banal na Espiritu na gawin ang pinakaangkop. Hindi ito isang bagay na pinag-iisipan mo, sa halip ito ay isang damdamin sa puso mo na nagpapatanto sa iyo na ito ang pinakamainam na paraan ng paggawa nito, at gusto mong gawin ito sa paraang iyon nang hindi nalalaman kung bakit. Maaaring nagmumula ito sa Banal na Espiritu. Kadalasang nagmumula sa pag-iisip at pagsasaalang-alang ang mga sariling ideya ng isang tao, at nahahaluang lahat ng sariling kagustuhan; iniisip lang niya kung ano ang pakinabang at bentahe nito sa kanya; bawat kilos na ipinapasyang gawin ng mga tao ay may ganitong mga bagay. Gayunman, ang patnubay ng Banal na Espiritu ay hindi naglalaman sa anumang paraan ng gayong mga paghahalo. Mahalagang magbigay ng masusing pansin sa patnubay o kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu; lalo na sa mahahalagang usapin, kailangan mong mag-ingat para maintindihan iyon. Ang mga taong ibig gamitin ang kanilang utak, at ibig kumilos ayon sa sarili nilang mga ideya, ang sadyang higit na nanganganib na mapalampas ang gayong patnubay o kaliwanagan. Ang mga lider at manggagawang may kasapatan ay mga taong nagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu, na alisto sa gawain ng Banal na Espiritu sa bawat sandali, na sumusunod sa Banal na Espiritu, may takot sa Diyos, isinasaisip ang kalooban ng Diyos, at walang-kapagurang hinahangad ang katotohanan. Upang mapalugod ang Diyos at maayos na magpatotoo para sa Kanya, dapat palagi mong pinagninilayan ang iyong mga motibo at karumihan sa pagganap sa iyong tungkulin, at pagkatapos ay subukang tingnan kung gaanong gawain ang naganyak ng mga ideya ng tao, gaano ang umusbong mula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at gaano ang umaalinsunod sa mga salita ng Diyos. Dapat pinagninilayan mo palagi, at sa lahat ng sitwasyon, kung ang iyong mga salita at gawa ba ay naaayon sa katotohanan. Ang makapagsagawa nang madalas sa ganitong paraan ay maglalagay sa iyo sa tamang landas ng paglilingkod sa Diyos. Mahalagang magtaglay ng mga realidad ng katotohanan upang matamo ang paglilingkod sa Diyos sa isang paraang umaayon sa Kanyang mga layunin. Pagkatapos nilang maunawaan ang katotohanan saka lamang magkakaroon ang mga tao ng kakayahang matukoy at makilala kung ano ang lumilitaw mula sa sarili nilang mga ideya at kung ano ang lumilitaw mula sa mga motibo ng tao. Nagagawa nilang makilala ang mga karumihan ng tao, gayundin kung ano ang ibig sabihin ng kumilos ayon sa katotohanan. Pagkatapos nilang makakilala, saka lamang nila matitiyak na maisasagawa nila ang katotohanan at lubos silang makakaayon sa kalooban ng Diyos. Kapag walang pagkaunawa sa katotohanan, imposibleng makahiwatig ang mga tao. Ang isang taong naguguluhan ay maaaring maniwala sa Diyos sa kabuuan ng kanyang buhay nang hindi nalalaman kung ano ang ibig sabihin ng mahayag ang sarili niyang katiwalian o kung ano ang ibig sabihin ng labanan ang Diyos, dahil hindi niya nauunawaan ang katotohanan; na hindi man lamang umiiral ang ideyang iyon sa kanyang isipan. Ang katotohanan ay hindi kayang abutin ng mga taong napakababa ng kakayahan; gaano mo man sila bahaginan tungkol dito, hindi pa rin nila ito nauunawaan. Magulo ang isip ng gayong mga tao. Sa kanilang pananampalataya, ang mga taong naguguluhan ay hindi makapagpapatotoo sa Diyos; makakagawa lamang sila ng kaunting paglilingkod. Kung gagampanan nang maayos ng mga lider at manggagawa ang kanilang mga tungkulin, hindi maaaring maging napakahina ng kanilang kakayahan. Kahit papaano, dapat nilang unawain ang mga espirituwal na bagay at tanggapin nang wagas ang mga bagay-bagay, upang madali nilang maunawaan at maisagawa ang katotohanan. Ang karanasan ng ilang tao ay napakababaw, kaya kung minsan ay may mga paglihis sa kanilang pagkaunawa sa katotohanan, at pagkatapos ay malamang na makagawa sila ng mga pagkakamali. Kapag may mga paglihis sila sa kanilang pagkaunawa, hindi sila handang isagawa ang katotohanan. Kapag may mga paglihis sa kanilang pagkaunawa sa katotohanan, malamang na sumunod sila sa mga panuntunan, at kapag sumusunod sila sa mga panuntunan, madaling makagawa ng mga pagkakamali, at hindi sila handang isagawa ang katotohanan. Kapag may mga paglihis sa pagkaunawa, madali ring malinlang at magamit ng mga anticristo. Samakatuwid, ang mga paglihis sa pagkaunawa ay maaaring humantong sa maraming pagkakamali. Dahil dito, hindi lang sila mabibigo na gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, maaari din silang madaling maligaw, na nakakapinsala sa pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos. Ano ang kahalagahan ng paggawa ng isang tao sa kanyang tungkulin nang ganito? Nagiging isang tao lang siya na nakakagambala at nakakaabala sa gawain ng iglesia. At dapat matuto ng mga aral mula sa mga kabiguang ito. Upang matupad ang gawaing ipinagkakatiwala ng Diyos, kailangang maintindihan ng mga lider at manggagawa ang dalawang prinsipyong ito: Dapat mahigpit na sumunod ang isang tao sa mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas sa pagganap sa tungkulin, at dapat bigyang-pansin at sundin ang anumang patnubay mula sa Banal na Espiritu alinsunod sa salita ng Diyos. Kapag naintindihan ang dalawang prinsipyong ito, saka lamang magiging mabisa ang gawain ng isang tao at malulugod ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 388

Ang hinangad ni Pedro ay makilala ang kanyang sarili at makita kung ano ang naihayag sa kanya sa pamamagitan ng pagpipino ng mga salita ng Diyos at sa loob ng iba’t ibang pagsubok na ibinigay sa kanya ng Diyos. Nang totoong mangyari na makilala niya ang sarili, natanto ni Pedro kung gaano kalalim ang pagkatiwali ng mga tao, kung gaanong walang halaga at hindi karapat-dapat sila sa paglilingkod sa Diyos, at hindi sila nararapat na mabuhay sa Kanyang harap. Nang magkagayon ay nagpatirapa si Pedro sa harap ng Diyos. Dahil napakaraming naranasan, nadama ni Pedro sa huli na, “Ang makilala ang Diyos ang pinakamahalagang bagay! Kung mamamatay ako bago ko Siya makilala, magiging kalunos-lunos ito. Ang makilala ang Diyos ang pinakamahalaga, pinakamakahulugang bagay na mayroon. Kung hindi kilala ng tao ang Diyos, wala siyang karapatang mabuhay, kapareho siya ng isang hayop, at walang buhay.” Nang umabot na sa ganitong punto ang karanasan ni Pedro, nalaman na niya ang kanyang sariling kalikasan at nakapagtamo na ng mabuti-buting pag-unawa nito. Bagama’t marahil ay hindi niya magagawang ipaliwanag ito nang kasinglinaw na magagawa ng mga tao ngayon, sadyang naabot na ni Pedro ang kalagayang ito. Samakatuwid, ang pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagtatamo ng pagperpekto ng Diyos ay nangangailangan ng pagkakilala sa sariling kalikasan ng isang tao mula sa loob ng mga pahayag ng Diyos, gayundin ng pag-unawa sa mga aspeto ng kalikasan ng isang tao at wastong paglalarawan nito sa mga salita, nang malinaw at payak na nagsasalita. Ito lamang ang tunay na pagkakilala sa iyong sarili, at natamo mo na ang resultang hinihingi ng Diyos. Kung ang iyong kaalaman ay hindi pa umabot sa puntong ito, subalit sinasabi mo na naunawaan mo ang iyong sarili at sinasabing nagtamo ka ng buhay, hindi ba’t nagyayabang ka lamang? Hindi mo kilala ang iyong sarili, o hindi mo alam kung ano ka sa harap ng Diyos, kung totoo mang naabot mo ang mga pamantayan ng pagiging tao, o gaano karami ang mga malasatanas na elementong taglay pa rin ng iyong loob. Hindi pa rin malinaw sa iyo ang tungkol sa kung kanino ka nabibilang, at wala ka man lamang ng anumang pagkakilala sa sarili—kaya’t paano ka magtataglay ng katwiran sa harap ng Diyos? Nang naghahangad si Pedro ng buhay, nakatutok siya sa pag-unawa sa kanyang sarili at pagbabago ng kanyang disposisyon sa gitna ng mga pagsubok sa kanya, at nagsikap siya na makilala ang Diyos, at sa huli, naisip niya, “Dapat maghanap ang mga tao ng pagkaunawa sa Diyos sa buhay; ang makilala Siya ang pinakakritikal na bagay. Kung hindi ko kilala ang Diyos, kung gayon ay hindi ako makapagpapahinga nang payapa kapag namatay ako. Sa sandaling makilala ko Siya, at nilayon ng Diyos na mamatay na ako, makadarama pa rin ako ng labis na pasasalamat na gawin iyon; hindi ako magrereklamo nang bahagya man, at mapupuspos ang buong buhay ko.” Hindi nagawa ni Pedro na matamo ang antas na ito ng pag-unawa o kagyat na marating ang dakong ito pagkaraang masimulan niya na maniwala sa Diyos; sa halip ay sumailalim siya sa napakaraming pagsubok. Kinailangan munang umabot ang kanyang karanasan sa isang tiyak na pag-unlad, at kinailangan niyang ganap na maunawaan ang sarili, bago niya madama ang halaga na makilala ang Diyos. Samakatuwid, ang landas na tinahak ni Pedro ay ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at landas ng pagtatamo ng buhay at magawang perpekto; ito ang aspeto na pangunahing pinagtuunan ng kanyang tiyak na pagsasagawa.

Sa inyong pananampalataya sa Diyos, anong landas ang tinatahak ninyo ngayon? Kung hindi ninyo hinahangad, tulad ni Pedro, ang buhay, pag-unawa sa inyong sarili, at kaalaman sa Diyos, hindi mo tinatahak ang landas ni Pedro. Nasa ganitong uri ng kalagayan ang karamihan ng mga tao ngayon: “Upang makamit ang mga pagpapala, dapat kong gugulin ang aking sarili para sa Diyos at magbayad ng halaga para sa Kanya. Upang makamit ang mga pagpapala, dapat kong talikdan ang lahat para sa Diyos; dapat kong tapusin ang ipinagkatiwala Niya sa akin, at gampanang mabuti ang aking tungkulin.” Pinangingibabawan ito ng layuning magtamo ng mga pagpapala, na isang halimbawa ng paggugol sa sarili para sa Diyos na pawang para sa layunin ng pagkakamit ng mga gantimpala mula sa Kanya at pagkakamit ng isang korona. Hindi nagtataglay ng katotohanan ang mga puso ng ganoong mga tao, at tiyak na binubuo lamang ang kanilang pagkaunawa ng ilang salita ng doktrina na ipinangangalandakan nila saan man sila mapadako. Ang landas nila ay ang landas ni Pablo. Ang pananampalataya ng ganoong mga tao ay isang kilos ng palagiang mabigat na gawain, at nararamdaman nila sa kaibuturan na kung higit silang gumagawa, higit na mapatutunayan ang kanilang katapatan sa Diyos; na kung higit na marami silang ginagawa, higit na tiyak na malulugod ang Diyos; at kung higit na marami silang ginagawa, higit silang magiging karapat-dapat na pagkalooban ng isang korona sa harap ng Diyos, at mas malalaking pagpapala ang matatamo nila. Iniisip nila na kung makakaya nilang tiisin ang pagdurusa, mangangaral, at mamamatay para kay Cristo, kung makakaya nilang ihandog ang mga sarili nilang buhay, at kung makakaya nilang makumpleto ang lahat ng mga tungkuling ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, kung gayon ay sila ang magiging mga taong magtatamo ng pinakamalalaking pagpapala, at tiyak na pagkakalooban ng mga korona. Ito ang tiyak na nailarawan ni Pablo sa isip at kanyang hinangad; ito ang mismong landas na nilakaran niya, at sa ilalim ng paggabay ng ganoong mga saloobin isinagawa ni Pablo ang paglilingkod sa Diyos. Hindi ba nagmula ang gayong mga saloobin at mga layunin sa isang satanikong kalikasan? Katulad lamang ito ng mga makamundong tao, na naniniwalang dapat nilang itaguyod ang karunungan habang nasa lupa, at na pagkatapos makamtan ito ay mamumukod-tangi sila sa madla, magiging mga opisyal, at magkakaroon ng katayuan; iniisip nila na kapag mayroon na silang katayuan, matutupad na rin nila ang kanilang mga ambisyon at maiaangat ang kanilang mga tahanan at negosyo sa isang tiyak na antas ng kasaganahan. Hindi ba’t lahat ng hindi mananampalataya ay tumatahak sa landas na ito? Yaong mga pinangingibabawan ng ganitong satanikong kalikasan ay maaari lamang maging katulad ni Pablo sa kanilang pananampalataya. Iniisip nila: “Dapat kong itakwil ang lahat upang gugulin ang sarili ko para sa Diyos; dapat akong maging tapat sa harap Niya, at sa huli, tatanggapin ko ang pinakamalalaking gantimpala at mga pinakadakilang korona.” Ito rin ang katulad na pag-uugali ng mga makamundong tao na naghahangad ng mga makamundong bagay; wala talaga silang anumang ipinagkaiba, at sumasailalim din sa katulad na kalikasan. Kapag may ganitong uri ng satanikong kalikasan ang mga tao, sa mundo sa labas, maghahangad silang magtamo ng kaalaman, pagkatuto, katayuan, at mamukod-tangi sa madla; kung naniniwala sila sa Diyos, hahangarin nilang magkamit ng mga dakilang korona at malalaking pagpapala. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan kapag naniniwala sila sa Diyos, siguradong tatahakin nila ang landas na ito; isa itong di-nababagong katunayan, batas ito ng kalikasan. Ang landas na tinatahak ng mga taong hindi hinahangad ang katotohanan ay tuwirang salungat sa landas ni Pedro. Aling landas ang tinatahak ninyong lahat ngayon? Bagamat maaaring hindi mo naiplano na tahakin ang landas ni Pablo, ang iyong kalikasan ang nag-aatas na lakarin mo itong daan, at ikaw ay tutungo sa gayong direksiyon kahit hindi mo ito ibig o inaasahan. Bagama’t gusto mong tumahak sa landas ni Pedro, kung hindi malinaw sa iyo kung paano gawin iyan, kung gayon ay tatahakin mo ang landas ni Pablo nang hindi kinukusa: ito ang realidad ng sitwasyon. Paano ang dapat na eksaktong pagtahak sa landas ni Pedro sa panahong ito? Kung hindi mo magawang makita ang kaibhan sa pagitan ng landas ni Pedro at landas ni Pablo, o hindi ka man lamang pamilyar sa mga ito, kung gayon, gaano mo man ipahayag na tinatahak mo ang landas ni Pedro, ang mga iyon ay mga salitang walang laman lamang. Dapat ka munang magkaroon ng malinaw na ideya kung ano ang landas ni Pedro at kung ano ang landas ni Pablo. Kapag totoong nauunawaan mo nang ang landas ni Pedro ay ang landas ng paghahangad ng buhay, at ang tanging landas sa pagiging perpekto, saka mo lamang magagawang tahakin ang landas ni Pedro, maghangad gaya ng paghahangad niya, at magsagawa ng mga prinsipyong isinagawa niya. Kung hindi mo nauunawaan ang landas ni Pedro, kung gayon, ang landas na tiyak mong tatahakin ay yaong kay Pablo, sapagkat wala nang iba pang magiging landas para sa iyo; wala kang mapagpipilian. Ang mga taong hindi nauunawaan ang katotohanan at hindi nagagawang hangarin ito ay mahihirapang tahakin ang landas ni Pedro, kahit pa may determinasyon sila. Masasabi na inihayag na ng Diyos sa inyo ngayon ang landas tungo sa kaligtasan at pagiging perpekto. Ito ang biyaya at pagtataas ng Diyos, at Siya ang gumagabay sa inyo tungo sa landas ni Pedro. Kung wala ang gabay at kaliwanagan ng Diyos, walang sinuman ang magagawang tumahak sa landas ni Pedro; ang tanging pagpipilian ay ang bumaba sa landas ni Pablo, sumunod sa mga yapak ni Pablo tungo sa pagkawasak. Sa panahong iyon, hindi naramdaman ni Pablo na maling tahakin ang landas na iyon; ganap siyang naniwala na tama iyon. Hindi niya nakamit ang katotohanan, at bukod-tanging hindi siya sumailalim ng isang pagbabago sa disposisyon. Labis siyang naniwala sa kanyang sarili, at naramdaman na walang bahagya mang isyu sa pananalig sa ganoong paraan. Nagpatuloy siya, puno ng pagtitiwala at ng lubos na tiwala sa sarili. Sa dakong huli, hindi siya kailanman natauhan; inisip pa rin niya na para sa kanya ang mabuhay ay si Cristo. Sa gayon, nagpatuloy si Pablo sa pagtahak sa landas na iyon hanggang sa wakas, at nang oras na maparusahan siya sa wakas, tapos na ang lahat para sa kanya. Hindi kabilang sa landas ni Pablo ang mangyaring makilala niya ang sarili, o maghangad ng isang pagbabago sa disposisyon. Hindi niya kailanman sinuri ang kanyang sariling kalikasan, o hindi siya nakapagtamo ng anumang kaalaman sa kung ano siya; alam lamang niya na siya ang pangunahing pasimuno sa pag-uusig kay Jesus. Ngunit hindi siya nagkaroon ng bahagya mang pagkaunawa sa kanyang sariling kalikasan, at pagkaraang tapusin ang kanyang gawain, naramdaman ni Pablo na namumuhay siya bilang si Cristo at dapat na gantimpalaan. Ang gawaing ginawa ni Pablo ay pagsasagawa lamang ng pagseserbisyo para sa Diyos. Para sa kanyang sarili, bagamat nakatanggap siya ng ilang pagbubunyag mula sa Banal na Espiritu, wala talaga siyang nakamit na katotohanan o buhay. Samakatuwid, hindi siya iniligtas ng Diyos; pinarusahan siya ng Diyos. Bakit sinabi na ang landas ni Pedro ay ang landas sa pagiging ginawang perpekto? Ito ay dahil, sa pagsasagawa ni Pedro, naglatag siya ng natatanging diin sa buhay, sa paghahangad na makilala ang Diyos, at makilala ang sarili. Sa pamamagitan ng kanyang pagdanas sa gawain ng Diyos, nagawa niyang makilala ang sarili, makapagtamo ng pagkaunawa sa mga tiwaling kalagayan ng tao, mabatid ang kanyang mga sariling pagkukulang, at matuklasan ang pinakamahalagang bagay na dapat itaguyod ng tao. Nagawa niyang mahalin nang tapat ang Diyos, natutuhan kung paano suklian ang Diyos, nakapagtamo ng ilang katotohanan, at nagtaglay ng realidad na hinihingi ng Diyos. Mula sa lahat ng mga bagay na sinabi ni Pedro sa panahon ng mga pagsubok sa kanya, makikita na tunay ngang siya ang may lubos na pagkaunawa sa Diyos. Sapagkat nagawa niyang maunawaan ang napakaraming katotohanan mula sa mga salita ng Diyos, lumiwanag nang lumiwanag ang kanyang landas, at lalo at lalong umaayon sa kalooban ng Diyos. Kung hindi tinaglay ni Pedro ang katotohanang ito, kung gayon, ang landas na kanyang tinahak ay hindi magiging ganoon kawasto.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin Ang Landas ni Pedro

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 389

Si Pedro ay tapat sa Akin sa loob ng maraming taon, subalit hindi siya bumulung-bulong ni nagreklamo kailanman; kahit si Job ay hindi niya kapantay at, sa nagdaang mga kapanahunan, lahat ng banal ay hindi nakapantay kay Pedro. Hindi lamang niya hinangad na makilala Ako, kundi nakilala rin niya Ako sa isang panahon kung kailan isinasakatuparan ni Satanas ang mapanlinlang na mga pakana nito. Humantong ito sa paglilingkod ni Pedro sa Akin sa loob ng maraming taon, na laging nakaayon sa Aking kalooban, at dahil dito, hindi siya napagsamantalahan ni Satanas kailanman. Natuto si Pedro mula sa pananampalataya ni Job, subalit malinaw niya ring nahiwatigan ang mga pagkukulang ni Job. Bagama’t naging matindi ang pananampalataya ni Job, wala siyang kaalaman tungkol sa mga bagay sa espirituwal na dako, kaya marami siyang sinabing mga salita na hindi tugma sa realidad; nagpapakita ito na ang kaalaman ni Job ay mababaw pa at hindi maaaring maging gawing perpekto. Samakatuwid, palaging nagtuon si Pedro sa pagtatamo ng diwa ng espiritu, at laging nakatuon sa pagmamasid sa mga kalakaran ng espirituwal na dako. Dahil dito, hindi lamang niya natiyak ang isang bagay sa Aking mga inaasam, kundi nagkaroon din ng kaunting kaalaman tungkol sa mapanlinlang na mga pakana ni Satanas. Dahil dito, mas dumami pa ang kanyang kaalaman tungkol sa Akin kaysa kaninuman sa pagdaan ng mga kapanahunan.

Mula sa karanasan ni Pedro, hindi mahirap makita na kung nais Akong makilala ng mga tao, kailangan silang magsaaalang-alang nang husto sa loob ng kanilang espiritu. Hindi Ko hinihiling na ipakita mo na “naglalaan” ka ng ilang bahagi sa Akin; hindi ito gaanong mahalaga. Kung hindi mo Ako kilala, lahat ng pananampalataya, pagmamahal, at katapatang binabanggit mo ay mga ilusyon lamang; bula ang mga ito, at tiyak na magiging isa kang tao na labis na naghahambog sa Aking harapan ngunit hindi kilala ang kanyang sarili. Sa gayon, minsan ka pang mabibitag ni Satanas at hindi ka makakawala; magiging isa kang anak ng kapahamakan at isang pakay ng pagwasak. Gayunman, kung nanlalamig ka at wala kang pakialam sa Aking mga salita, walang dudang kontra ka sa Akin. Ito ay totoo, at makabubuting tumingin ka sa pasukan ng espirituwal na dako sa marami at iba-ibang espiritung nakastigo Ko. Sino sa kanila, na naharap, walang kibo, walang malasakit, at ayaw tumanggap sa Aking mga salita? Sino sa kanila ang hindi mapangutya sa Aking mga salita? Sino sa kanila ang hindi sumubok na maghanap ng mali sa Aking mga salita? Sino sa kanila ang hindi gumamit ng Aking mga salita bilang “mga sandatang pananggalang” para “protektahan” ang sarili nila? Hindi nila ginamit ang nilalaman ng Aking mga salita bilang isang paraan para makilala Ako, kundi para paglaruan lamang. Dahil dito, hindi ba nila Ako direktang nilalabanan? Sino ang Aking mga salita? Sino ang Aking Espiritu? Napakaraming beses Ko nang naitanong sa inyo ang gayong mga bagay, subalit nagkaroon na ba kayo ng mas mataas at malinaw na mga kabatiran tungkol sa mga ito? Talaga bang naranasan na ninyo ang mga ito? Minsan Ko pa kayong pinapaalalahanan: Kung hindi ninyo alam ang Aking mga salita, ni hindi ninyo tinatanggap ang mga ito, ni hindi ninyo isinasagawa ang mga ito, siguradong magiging mga pakay kayo ng Aking pagkastigo! Siguradong magiging mga biktima kayo ni Satanas!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 8

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 390

Bagama’t maraming taong naniniwala sa Diyos, kakaunti ang nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos, at kung ano ang kailangan nilang gawin upang makaayon sa kalooban ng Diyos. Ito ay dahil, bagama’t pamilyar ang mga tao sa salitang “Diyos” at sa mga pariralang tulad ng “ang gawain ng Diyos,” hindi nila kilala ang Diyos, at lalong hindi nila alam ang Kanyang gawain. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na lahat ng hindi nakakakilala sa Diyos ay nalilito sa kanilang paniniwala sa Kanya. Hindi sineseryoso ng mga tao ang kanilang paniniwala sa Diyos, at ito ay dahil lamang sa masyado silang hindi pamilyar sa paniniwala sa Diyos, masyado itong kakaiba para sa kanila. Sa ganitong paraan, hindi sila makaabot sa mga hinihiling ng Diyos. Sa madaling salita, kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos at hindi alam ang Kanyang gawain, hindi sila akmang kasangkapanin ng Diyos, at lalong hindi nila magagawang palugurin ang Kanyang kalooban. Ang “paniniwala sa Diyos” ay nangangahulugan ng paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng konsepto patungkol sa paniniwala sa Diyos. Bukod pa riyan, ang paniniwala na mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na paniniwala sa Diyos; sa halip, ito ay isang uri ng simpleng pananampalataya na may matitinding kahulugang pangrelihiyon. Ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa paniniwala na ang Diyos ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang Kanyang mga salita at Kanyang gawain, inaalis ang tiwaling disposisyon ng isang tao, pinalulugod ang kalooban ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay sa buhay ang matatawag na “pananampalataya sa Diyos.” Subalit madalas ituring ng mga tao ang paniniwala sa Diyos bilang isang simple at walang-kabuluhang bagay. Nawala na sa mga taong naniniwala sa Diyos sa ganitong paraan ang kahulugan ng maniwala sa Diyos, at bagama’t maaari silang patuloy na maniwala hanggang sa kahuli-hulihan, hindi nila kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, dahil tumatahak sila sa maling landas. Mayroon pa ring mga naniniwala sa Diyos ngayon ayon sa mga titik at sa hungkag na doktrina. Hindi nila alam na wala silang diwa ng paniniwala sa Diyos, at hindi nila matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Nagdarasal pa rin sila sa Diyos para mapagpala ng kapayapaan at sapat na biyaya. Huminto tayo, patahimikin natin ang ating puso, at itanong sa ating sarili: Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos talaga ang pinakamadaling bagay sa lupa? Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap ng maraming biyaya mula sa Diyos? Talaga bang ang mga taong naniniwala sa Diyos nang hindi Siya nakikilala o naniniwala sa Diyos subalit kinakalaban Siya ay napapalugod ang kalooban ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 391

Ano na ang nakamit ng tao mula nang una siyang maniwala sa Diyos? Ano na ang nalalaman mo tungkol sa Diyos? Gaano na kalaki ang ipinagbago mo dahil sa paniniwala mo sa Diyos? Ngayon, alam na ninyong lahat na ang paniniwala ng tao sa Diyos ay hindi lamang para sa kaligtasan ng kaluluwa at kapakanan ng laman, ni hindi ito upang pagyamanin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos, at iba pa. Sa ngayon, kung mahal mo ang Diyos alang-alang sa kapakanan ng laman o panandaliang kasiyahan, kahit sa bandang huli ay umabot sa sukdulan ang pagmamahal mo sa Diyos at wala ka nang hinihiling pa, hindi pa rin puro ang pagmamahal na ito na hinahangad mo at hindi kalugud-lugod sa Diyos. Ang mga gumagamit ng pagmamahal sa Diyos upang pagyamanin ang nakababagot nilang buhay at punan ang kahungkagan sa kanilang puso ay ang uri ng mga tao na nagnanasa sa madaling buhay, hindi sila tunay na naghahangad na mahalin ang Diyos. Ang ganitong uri ng pagmamahal ay sapilitan, ito ay paghahangad ng kasiyahang pangkaisipan, at hindi ito kailangan ng Diyos. Kung gayon, anong klase ang pagmamahal mo? Para saan ang pagmamahal mo sa Diyos? Gaano kalaki ang tunay na pagmamahal sa Diyos na nasa iyong kalooban ngayon? Ang pagmamahal ng karamihan sa inyo ay katulad ng nabanggit. Mapapanatili lamang ng gayong pagmamahal ang kasalukuyang estado ng mga bagay-bagay; hindi nito makakamit ang kawalan ng pagbabago, ni hindi ito mag-uugat sa tao. Ang ganitong klaseng pagmamahal ay katulad lamang ng isang bulaklak na namumukadkad at nalalanta nang hindi namumunga. Sa madaling salita, matapos mong mahaling minsan ang Diyos sa gayong paraan, kung walang sinumang aakay sa iyo sa landas sa unahan, malulugmok ka. Kung kaya mo lamang mahalin ang Diyos sa oras ng pagmamahal sa Diyos ngunit pagkatapos ay hindi pa rin nagbabago ang iyong disposisyon sa buhay, hindi ka pa rin makakatakas sa pagkabalot ng impluwensya ng kadiliman, hindi ka pa rin makakalaya mula sa mga gapos ni Satanas at sa pandaraya nito. Walang sinumang tulad nito ang ganap na makakamit ng Diyos; sa huli, pag-aari pa rin ni Satanas ang kanilang espiritu, kaluluwa, at katawan. Walang alinlangan iyan. Lahat ng hindi ganap na makakamit ng Diyos ay babalik sa kanilang orihinal na lugar, ibig sabihin, babalik sila kay Satanas, at bababa sa lawa ng apoy at asupre upang tanggapin ang susunod na hakbang ng kaparusahan mula sa Diyos. Yaong mga nakamit ng Diyos ay yaong mga tinatalikdan si Satanas at tumatakas mula sa sakop nito. Sila ay opisyal na kabilang sa mga tao ng kaharian. Ganito ang kinahihinatnan ng mga tao ng kaharian. Handa ka bang maging ganitong klaseng tao? Handa ka bang makamit ng Diyos? Handa ka bang tumakas mula sa sakop ni Satanas at bumalik sa Diyos? Pag-aari ka na ba ngayon ni Satanas o kabilang ka sa mga tao ng kaharian? Dapat ay maliwanag na ang mga bagay na ito, at hindi na nangangailangan ng karagdagang paliwanag.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pananaw na Dapat Panghawakan ng mga Mananampalataya

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 392

Noong araw, maraming naghangad nang may napakatayog na ambisyon at mga kuru-kuro, naghangad sila bunga ng kanilang sariling mga pag-asam. Isantabi natin ang ganitong mga isyu sa sandaling ito; ang pinakamahalaga ngayon ay humanap ng paraan ng pagsasagawa na magbibigay sa bawat isa sa inyo ng kakayahang mapanatili ang isang normal na kalagayan sa harap ng Diyos at unti-unting makawala sa mga gapos ng impluwensya ni Satanas, upang makamit kayo ng Diyos, at maisabuhay ninyo sa lupa ang hinihingi sa inyo ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang ninyo matutupad ang mga layunin ng Diyos. Maraming naniniwala sa Diyos, subalit hindi alam kung ano ang nais ng Diyos ni kung ano ang nais ni Satanas. Naniniwala sila nang may pagkalito, basta sumasabay na lamang sa daloy, kaya nga hindi sila kailanman nagkaroon ng isang normal na buhay-Kristiyano; higit pa rito, hindi sila kailanman nagkaroon ng normal na personal na mga relasyon, lalo na ng normal na relasyon sa Diyos. Mula rito makikita na maraming paghihirap at pagkukulang ang tao, at iba pang mga kadahilanang maaaring makahadlang sa kalooban ng Diyos. Sapat na ito upang patunayan na hindi pa nakatahak ang tao sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos, ni hindi pa sila nakapasok sa tunay na karanasan ng buhay ng tao. Kaya ano ang ibig sabihin ng tumahak sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos? Ang tumahak sa tamang landas ay nangangahulugan na maaari mong patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos sa lahat ng oras at matamasa ang normal na pakikipagniig sa Diyos, na unti-unting nalalaman kung ano ang kulang sa tao at dahan-dahang nagkakamit ng mas malalim na kaalaman tungkol sa Diyos. Sa pamamagitan nito, nagkakamit ng bagong kabatiran at bagong kaliwanagan ang iyong espiritu araw-araw; lumalago ang iyong pananabik, hinahangad mong makapasok sa katotohanan, at araw-araw ay may bagong liwanag at bagong pagkaunawa. Sa pamamagitan ng landas na ito, unti-unti kang makakalaya sa impluwensya ni Satanas at lalago sa iyong buhay. Ang gayong mga tao ay nakapasok na sa tamang landas. Suriin ang sarili mong aktwal na mga karanasan at siyasatin ang landas na natahak mo sa iyong pananampalataya: Kapag inihambing mo ang mga iyon sa inilarawan sa itaas, nakikita mo bang nasa tamang landas ka? Sa anong mga bagay ka na nakalaya mula sa mga gapos at impluwensya ni Satanas? Kung hindi ka pa nakakatahak sa tamang landas, hindi pa napuputol ang iyong kaugnayan kay Satanas. Dahil dito, aakayin ka ba ng iyong paghahangad na mahalin ang Diyos patungo sa isang pagmamahal na tunay, nakatuon, at wagas? Sabi mo, hindi natitinag at taos-puso ang pagmamahal mo sa Diyos, subalit hindi ka pa nakakalaya sa mga gapos ni Satanas. Hindi mo ba sinusubukang lokohin ang Diyos? Kung nais mong matamo ang isang kalagayan kung saan puro ang pagmamahal mo sa Diyos, at nais mong ganap na makamit ng Diyos at makabilang sa mga tao ng kaharian, kailangan mo munang itakda ang sarili mo sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pananaw na Dapat Panghawakan ng mga Mananampalataya

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 393

Ang karaniwang problema na umiiral sa lahat ng tao ay yaong nauunawaan nila ang katotohanan ngunit hindi ito naisasagawa. Sa isang banda, dahil ito sa hindi sila handang magbayad ng halaga para rito, at sa kabilang banda, masyadong salat ang kanilang pagkahiwatig; hindi nila kayang makita ang marami sa mga paghihirap sa pang-araw-araw na pamumuhay sa kung ano ang mga ito, gayundin ay hindi nila alam kung paano magsagawa nang wasto. Sa dahilang ang mga karanasan ng mga tao ay masyadong mababaw, ang kanilang kakayahan ay masyadong mahina, at ang antas ng kanilang pag-unawa sa katotohanan ay limitado, wala silang kakayanang lutasin ang mga paghihirap na kanilang nararanasan sa araw-araw na buhay. Nananampalataya sila sa Diyos sa salita lamang, at hindi nila kayang dalhin ang Diyos sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ibig sabihin, ang Diyos ay Diyos, ang buhay ay buhay, at para bang ang mga tao ay walang relasyon sa Diyos sa kanilang buhay. Iyan ang iniisip ng lahat ng tao. Dahil sa gayong paniniwala sa Diyos, ang mga tao, sa realidad, ay hindi Niya makakamit at mapeperpekto. Sa katunayan, hindi sa hindi ganap ang pagpapabatid ng salita ng Diyos, bagkus ay sadyang hindi lang sapat ang kakayahan ng mga tao na tanggapin ang Kanyang salita. Masasabi na halos walang isa mang tao na kumikilos ayon sa mga orihinal na layunin ng Diyos; sa halip, ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay alinsunod sa kanilang sariling mga intensyon, sa kanilang mga relihiyosong kuru-kuro noong nakalipas, at sa kanilang sariling pamamaraan ng pagsasagawa ng mga bagay-bagay. Kakaunti ang mga sumasailalim sa pagbabago kasunod ng pagtanggap ng salita ng Diyos at nagsisimulang kumilos alinsunod sa Kanyang kalooban. Sa halip, nagpapatuloy sila sa kanilang mga maling paniniwala. Kapag ang mga tao ay nagsimulang maniwala sa Diyos, ginagawa nila ito batay sa mga nakaugaliang patakaran ng relihiyon, at namumuhay at nakikihalubilo sila sa iba batay lamang sa kanilang sariling pilosopiya sa pamumuhay. Masasabing iyan ang kalagayan ng siyam sa bawat sampung tao. Napakakaunti ang bumubuo ng isa pang plano at nagbabagong-buhay pagkatapos umpisahang maniwala sa Diyos. Nabigo ang sangkatauhan na ituring ang salita ng Diyos bilang katotohanan, o, kung tinatanggap ito bilang katotohanan, na isagawa ito.

Tingnan bilang halimbawa ang pananampalataya kay Jesus. Baguhan man sa pananampalataya ang isang tao o matagal na panahon nang may pananampalataya, ang lahat ay ginagamit lamang ang anumang mga talento na mayroon sila at nagpapamalas ng anumang mga kasanayang kanilang angkin. Idinagdag lamang ng mga tao ang tatlong salitang “pananampalataya sa Diyos” sa normal nilang buhay, ngunit walang ginawang pagbabago sa kanilang disposisyon, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay hindi lumago kahit na katiting. Ang pagpupursigi nila ay hindi mainit at hindi rin malamig. Hindi nila sinabi na bibitiw sila sa kanilang pananampalataya, pero hindi rin nila inihandog ang lahat sa Diyos. Kailanman ay hindi nila tunay na minahal ang Diyos o sinunod Siya. Ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay pinaghalong tunay at huwad, ang naging pagdulog nila ay sa pamamagitan ng isang matang dilat at isang matang pikit, at hindi sila naging masigasig sa pagsasagawa ng kanilang pananampalataya. Nagpatuloy sila sa kalagayan ng pagiging nalilito, at sa huli ay namatay nang lango sa pagkalito. Ano ang punto ng lahat ng iyon? Ngayon, upang maniwala sa praktikal na Diyos, kailangan mong tumapak sa tamang landas. Kung naniniwala ka sa Diyos, hindi ka lamang dapat maghanap ng mga pagpapala, kundi mahalin ang Diyos at makilala ang Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang kaliwanagan at ng iyong sariling paghahanap, makakain at maiinom mo ang Kanyang salita, makabubuo ka ng isang tunay na pagkaunawa sa Diyos, at magkakaroon ka ng isang tunay na pagmamahal para sa Diyos na nanggagaling sa kaibuturan ng iyong puso. Sa madaling salita, kapag ang iyong pag-ibig para sa Diyos ay tunay na tunay, at walang sinumang makasisira o makahahadlang sa daan ng iyong pag-ibig para sa Kanya, ikaw kung gayon ay nasa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Pinatutunayan nito na pag-aari ka ng Diyos, sapagkat ang puso mo ay naangkin na ng Diyos at sa gayon ay hindi ka na maaangkin ng iba pa. Sa pamamagitan ng iyong karanasan, ng iyong ibinayad na halaga, at ng gawain ng Diyos, nagagawang umusbong nang kusa ng pag-ibig mo para sa Diyos—at kapag nagkagayon, ikaw ay mapapalaya mula sa impluwensya ni Satanas at mabubuhay sa liwanag ng salita ng Diyos. Tanging kapag ikaw ay nakalaya na mula sa impluwensya ng kadiliman, saka lang masasabing nakamit mo na ang Diyos. Sa iyong paniniwala sa Diyos, dapat mong subukang abutin ang mithiing ito. Ito ang tungkulin ng bawat isa sa inyo. Wala sa inyong dapat masiyahan sa kasalukuyang kalagayan ng mga bagay-bagay. Hindi kayo maaaring magdalawang-isip sa gawain ng Diyos o ituring ito na basta-basta lang. Dapat ninyong isipin ang Diyos sa lahat ng larangan at sa lahat ng panahon, at gawin ang lahat ng bagay para sa Kanyang kapakanan. At tuwing nagsasalita kayo o kumikilos, dapat ninyong unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tanging sa ganitong paraan kayo magiging kaayon ng puso ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Naniniwala Ka sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 394

Ang pinakamalaking pagkakamali ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos ay yaong sa salita lamang ang kanilang pananampalataya, at ang Diyos ay lubos na wala sa pang-araw-araw nilang buhay. Ang lahat nga ng tao ay naniniwala sa pag-iral ng Diyos, subalit ang Diyos ay hindi bahagi ng kanilang pang-araw-araw na mga buhay. Namumutawi sa bibig ng mga tao ang maraming panalangin sa Diyos, ngunit ang Diyos ay may maliit lamang na lugar sa kanilang puso, at dahil dito ay paulit-ulit silang sinusubok ng Diyos. Sa dahilang ang mga tao ay hindi dalisay kung kaya’t ang Diyos ay walang mapagpipilian kundi subukin sila, upang mapahiya sila at makilala ang kanilang mga sarili sa gitna ng mga pagsubok na ito. Kung hindi, ang sangkatauhan ay magiging mga inapo ng arkanghel, at lalo’t lalong magiging tiwali. Sa proseso ng kanilang pananampalataya sa Diyos, iwinawaksi ng bawat tao ang marami sa kanilang personal na motibo at mga layunin habang sila ay walang-humpay na nililinis ng Diyos. Kung hindi, walang magiging paraan ang Diyos upang magamit ang sinuman, at walang paraan na gawin sa tao ang gawaing dapat Niyang gawin. Nililinis muna ng Diyos ang mga tao, at sa prosesong ito, maaaring makilala ng mga tao ang kanilang sarili, at maaaring mabago sila ng Diyos. Pagkatapos lamang nito saka inilalakip ng Diyos ang Kanyang buhay sa kanila, at sa ganitong paraan lamang lubusang makababaling ang puso nila sa Diyos. At kaya sinasabi Ko, ang pananampalataya sa Diyos ay hindi kasingsimple ng sinasabi ng mga tao. Sa paningin ng Diyos, kung may kaalaman ka lamang ngunit wala ang salita Niya bilang buhay, at kung limitado ka lamang sa iyong sariling kaalaman ngunit hindi kayang maisagawa ang katotohanan o maisabuhay ang salita ng Diyos, kung gayon ito ay patunay pa rin na wala kang pusong may pag-ibig para sa Diyos, at ipinakikita nito na ang iyong puso ay hindi pag-aari ng Diyos. Makikilala ng isang tao ang Diyos sa pamamagitan ng pananalig sa Kanya: Ito ang panghuling mithiin at ang mithiin ng pagsisikap ng tao. Dapat kang magsikap na isabuhay ang mga salita ng Diyos upang ang mga ito ay magbunga sa iyong pagsasagawa. Kung mayroon ka lamang kaalaman tungkol sa doktrina, ang iyong pananampalataya sa Diyos ay mauuwi sa wala. Tanging kung iyo ring isinasagawa at isinasabuhay ang Kanyang salita saka lamang maituturing na ganap ang iyong pananampalataya at ayon sa kalooban ng Diyos. Sa landas na ito, maraming tao ang makapagsasalita ng maraming kaalaman, ngunit sa oras ng kanilang kamatayan, ang kanilang mga mata ay umaapaw sa mga luha, at kinapopootan nila ang kanilang mga sarili sa pagkakasayang sa isang buong buhay at pagkabuhay hanggang sa katandaan nang para sa wala. Nauunawaan lang nila ang mga doktrina ngunit hindi nila kayang isagawa ang katotohanan o magpatotoo sa Diyos; sa halip ay tumatakbo lang sila paroo’t parito, abala na tulad ng isang bubuyog, at kapag naghihingalo na sila saka lang nila nakikita sa wakas na kulang sila sa tunay na patotoo, na hindi nila tunay na kilala ang Diyos. Hindi ba’t ito ay masyadong huli na? Bakit hindi mo samantalahin ang araw at hanapin ang katotohanan na iyong minamahal? Bakit maghihintay ka pa hanggang kinabukasan? Kung habang buhay ka ay hindi ka nagdurusa para sa katotohanan o naghahangad na makamit ito, maaari kayang ninanais mong maramdaman ang panghihinayang sa oras ng iyong paghihingalo? Kung gayon, bakit ka pa maniniwala sa Diyos? Sa katunayan, maraming bagay na kung saan ang mga tao, kung sila’y mag-uukol lamang ng katiting na pagsisikap, ay makapagsasagawa ng katotohanan at sa gayon ay mapalulugod ang Diyos. Dahil lamang ang puso ng mga tao ay palagiang nilulukuban ng mga demonyo kung kaya’t hindi sila makakilos para sa kapakanan ng Diyos, at palaging nagmamadali para sa kapakanan ng kanilang laman, nang walang anumang nakakamit mula rito sa katapusan. Dahil dito kung kaya’t ang mga tao ay palaging may mga problema at paghihirap. Hindi ba’t ito ang mga pagpapahirap ni Satanas? Hindi ba’t ito ang katiwalian ng laman? Hindi mo dapat subukang linlangin ang Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya sa salita lamang. Sa halip, dapat kang gumawa ng aktwal na pagkilos. Huwag mong linlangin ang iyong sarili—ano ang magiging punto niyon? Ano ang iyong makakamit sa pamumuhay para sa kapakanan ng iyong laman at pagpapagal para sa kapakinabangan at katanyagan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Naniniwala Ka sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 395

Sa ngayon, hahangarin ninyo na maging mga tao ng Diyos, at sisimulan ang buong pagpasok sa tamang landas. Ang maging mga tao ng Diyos ay nangangahulugan ng pagpasok sa Kapanahunan ng Kaharian. Sa kasalukuyan, opisyal na ninyong sinisimulan ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian, at ang inyong mga buhay sa hinaharap ay titigil na sa pagiging makupad at pabaya kagaya nang dati; sa gayong pamumuhay, imposibleng maabot ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos. Kung hindi ka nakakadama ng anumang pagmamadali, ipinapakita nito na wala kang pagnanais na paunlarin ang iyong sarili, na ang iyong paghahangad ay magulo at nalilito, at ikaw ay walang kakayahan na tuparin ang kalooban ng Diyos. Ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian ay nangangahulugan ng pagsisimula ng buhay ng bayan ng Diyos—nakahanda ka bang tanggapin ang gayong pagsasanay? Nakahanda ka bang makadama ng pagmamadali? Nakahanda ka bang mabuhay sa ilalim ng pagdidisiplina ng Diyos? Nakahanda ka bang mabuhay sa ilalim ng pagkastigo ng Diyos? Kapag ang mga salita ng Diyos ay dumating sa iyo at ikaw ay sinubok, paano ka kikilos? At ano ang iyong gagawin kapag naharap ka sa lahat ng klase ng katunayan? Noong nakaraan, ang iyong pokus ay hindi sa buhay; sa kasalukuyan, dapat kang magtuon sa pagpasok sa realidad ng buhay, at hangarin ang mga pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay. Ito ang dapat matamo ng mga tao ng kaharian. Lahat ng tao ng Diyos ay dapat magtaglay ng buhay, dapat nilang tanggapin ang pagsasanay ng kaharian, at hangarin ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ng kaharian.

Ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ng kaharian ay ang mga sumusunod:

1. Dapat nilang tanggapin ang mga atas ng Diyos. Ibig sabihin nito, dapat nilang tanggapin ang lahat ng salitang binigkas sa gawain ng Diyos sa mga huling araw.

2. Dapat silang pumasok sa pagsasanay ng kaharian.

3. Dapat nilang hangarin na antigin ng Diyos ang kanilang mga puso. Kapag ang iyong puso ay ganap nang bumaling sa Diyos, at mayroon kang isang normal na espirituwal na buhay, mabubuhay ka sa dako ng kalayaan, na nangangahulugang mabubuhay ka sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng pag-ibig ng Diyos. Kapag ikaw ay nabubuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, saka ka lamang mapapabilang sa Diyos.

4. Dapat silang makamit ng Diyos.

5. Dapat silang maging isang pagpapamalas ng kaluwalhatian ng Diyos sa lupa.

Ang limang puntong ito ay ang Aking mga atas para sa inyo. Ang Aking mga salita ay binibigkas sa bayan ng Diyos, at kung ikaw ay hindi nakahanda na tanggapin ang mga tagubilin na ito, hindi kita pipilitin—ngunit kung tunay mong tinatanggap ang mga iyon, magagawa mo ang kalooban ng Diyos. Sa kasalukuyan, sinisimulan ninyong tanggapin ang mga atas ng Diyos, at hinahangad na maging mga tao ng kaharian at maabot ang mga pamantayang kinakailangan upang maging mga tao ng kaharian. Ito ang unang hakbang ng pagpasok. Kung nais mong ganap na gawin ang kalooban ng Diyos, dapat mong tanggapin ang limang atas na ito, at kung magagawa mong matamo ang mga ito, magiging kaayon ka ng puso ng Diyos at tiyak na mahusay na mapapakinabangan ng Diyos. Ang pinakamahalaga ngayon ay ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian. Kasama sa pagpasok sa pagsasanay ng kaharian ang espirituwal na buhay. Dati, walang pag-uusap ukol sa espirituwal na buhay, ngunit sa kasalukuyan, habang sinisimulan mo ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian, opisyal kang pumapasok sa espirituwal na buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 396

Anong uri ng buhay ang espirituwal na buhay? Ang espirituwal na buhay ay yaong kung saan ang iyong puso ay ganap nang bumaling sa Diyos, at nagagawang isaisip ang pag-ibig ng Diyos. Ito yaong kung saan ay nabubuhay ka sa mga salita ng Diyos, at walang iba pa ang sumasakop sa iyong puso, at nagagawa mong maunawaan ang kalooban ng Diyos sa kasalukuyan, at ginagabayan ka ng liwanag ng Banal na Espiritu ngayon upang matupad ang iyong tungkulin. Ang gayong buhay sa pagitan ng tao at ng Diyos ang espirituwal na buhay. Kung hindi mo nagagawang sundan ang liwanag sa kasalukuyan, isang pagitan ang nabuksan na sa iyong ugnayan sa Diyos—maaari pang naputol na ito—at wala kang isang normal na espirituwal na buhay. Ang isang normal na kaugnayan sa Diyos ay itinatag sa saligan ng pagtanggap sa mga salita ng Diyos ngayon. Mayroon ka bang normal na espirituwal na buhay? Mayroon ka bang isang normal na kaugnayan sa Diyos? Ikaw ba ay isang taong sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu? Kung nagagawa mong sundan ang liwanag ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan, at nakakayang maunawaan ang kalooban ng Diyos sa loob ng Kanyang mga salita, at pumasok sa mga salitang ito, ikaw ay isang taong sumusunod sa daloy ng Banal na Espiritu. Kung hindi mo sinusundan ang daloy ng Banal na Espiritu, walang pag-aalinlangan na ikaw ay isang taong hindi hinahangad ang katotohanan. Ang Banal na Espiritu ay walang pagkakataon na makagawa sa kalooban ng mga walang pagnanais na paunlarin ang kanilang mga sarili, at bilang resulta, hindi kailanman magagawa ng gayong mga tao na magkaroon ng lakas, at palagi silang pasibo. Sa kasalukuyan, sinusundan mo ba ang daloy ng Banal na Espiritu? Nasa daloy ka ba ng Banal na Espiritu? Lumabas ka na ba mula sa pagiging pasibo? Lahat niyaong naniniwala sa mga salita ng Diyos, na ginagamit ang gawain ng Diyos bilang saligan, at sinusundan ang liwanag ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan—lahat sila ay nasa daloy ng Banal na Espiritu. Kung naniniwala ka na ang mga salita ng Diyos ay di-mapagkakailang tunay at tama, at kung naniniwala ka sa mga salita ng Diyos anuman ang Kanyang sabihin, ikaw ay isang taong naghahangad na makapasok sa gawain ng Diyos, at sa ganitong paraan ay tinutupad mo ang kalooban ng Diyos.

Upang makapasok sa daloy ng Banal na Espiritu, dapat kang magkaroon ng isang normal na ugnayan sa Diyos, at dapat mo munang alisin sa sarili mo ang iyong pagiging pasibo. Ang ilang tao ay palaging sumusunod sa karamihan, at ang kanilang mga puso ay nalilihis nang napakalayo mula sa Diyos; ang gayong mga tao ay walang pagnanais na paunlarin ang kanilang mga sarili, at ang mga pamantayan na kanilang hinahangad ay masyadong mababa. Ang pagsisikap lamang na ibigin ang Diyos at kamtin ng Diyos ang kalooban ng Diyos. Mayroong mga tao na ginagamit lamang ang kanilang konsensya upang suklian ang pag-ibig ng Diyos, ngunit hindi ito maaaring tumugon sa kalooban ng Diyos; habang lalong tumataas ang mga pamantayan na iyong pinagsisikapan, lalo itong magiging katugma ng kalooban ng Diyos. Bilang isang normal na tao, na naghahangad na mahalin ang Diyos, ang pagpasok sa kaharian upang maging isa sa mga tao ng Diyos ang inyong tunay na hinaharap, at isang buhay na siyang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan; walang sinuman ang higit na pinagpala kaysa sa inyo. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay para sa laman, at sila ay nabubuhay para kay Satanas, ngunit sa kasalukuyan kayo ay nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay upang gawin ang kalooban ng Diyos. Kaya sinasabi Ko na ang inyong mga buhay ang pinakamakabuluhan. Ang grupo lamang ng mga taong ito, na pinili ng Diyos, ang magagawang isabuhay ang isang buhay na pinakamakabuluhan: Walang sino pa man sa lupa ang magagawang isabuhay ang isang buhay na may gayong halaga at kahulugan. Sapagkat kayo ay napili na ng Diyos at itinataas ng Diyos, at, higit pa rito, dahil sa pag-ibig ng Diyos para sa inyo, naunawaan na ninyo ang tunay na buhay, at nalalaman kung paano mamuhay ng isang buhay na siyang pinakamahalaga. Hindi ito dahil sa ang inyong pagsisikap ay mahusay, ngunit dahil sa biyaya ng Diyos; ang Diyos ang nagbukas sa mga mata ng inyong espiritu, at ang Espiritu ng Diyos ang umantig sa inyong puso, binibigyan kayo ng mabuting kapalaran na lumapit sa harap Niya. Kung ang Espiritu ng Diyos ay hindi kayo niliwanagan, hindi ninyo makikita kung ano ang kaibig-ibig tungkol sa Diyos, ni magiging posible para sa inyo na ibigin ang Diyos. Dahil ganap na naantig na ng Diyos ang puso ng mga tao kung kaya ang kanilang mga puso ay nakabaling na sa Diyos. May mga pagkakataon, kapag tinatamasa mo ang mga salita ng Diyos, ang iyong espiritu ay inaantig, at nadarama mo na hindi mo mapigilang ibigin ang Diyos, na mayroong matinding lakas sa kalooban mo, at na walang anumang bagay ang hindi mo maisasantabi. Kung ganito ang nadarama mo, ikaw ay naantig na ng Espiritu ng Diyos, at ang iyong puso ay nakabaling na nang ganap sa Diyos, at mananalangin ka sa Diyos at sasabihing: “O Diyos! Kami ay tunay na itinalaga at pinili Mo. Ang Iyong kaluwalhatian ay nagbibigay sa akin ng karangalan, at nakaluluwalhati para sa akin na maging isa sa Iyong mga tao. Gugugulin ko ang anumang bagay at ibibigay ang anumang bagay upang gawin ang Iyong kalooban, at ilalaan ko ang lahat ng aking mga taon, at ang habambuhay na pagsisikap, sa Iyo.” Kapag ikaw ay nananalangin sa ganitong paraan, magkakaroon ng walang-katapusang pag-ibig at tunay na pagsunod sa Diyos sa iyong puso. Nagkaroon ka na ba ng isang karanasang kagaya nito? Kung ang mga tao ay madalas antigin ng Espiritu ng Diyos, sila ay lalong nakahanda na ilaan ang kanilang mga sarili sa Diyos sa kanilang mga panalangin: “O Diyos! Nais kong makita ang Iyong araw ng kaluwalhatian, at nais kong mabuhay para sa Iyo—walang anuman ang higit na karapat-dapat o makahulugan kaysa sa mabuhay para sa Iyo, at wala akong taglay ni katiting na pagnanais na mabuhay para kay Satanas at sa laman. Itinataas Mo ako sa pamamagitan ng pagtutulot sa akin na mabuhay para sa Iyo sa kasalukuyan.” Kapag nanalangin ka na sa ganitong paraan, madarama mo na hindi mo mapigilang ibigay ang iyong puso sa Diyos, na dapat mong makamit ang Diyos, at kasusuklaman mong mamatay nang hindi nakakamit ang Diyos habang ikaw ay nabubuhay. Pagkasabi ng gayong panalangin, magkakaroon ng di-nauubos na lakas sa kalooban mo, at hindi mo malalaman kung saan ito nagmumula; sa iyong puso ay magkakaroon ng walang-hanggang kapangyarihan, at magkakaroon ng pakiramdam na ang Diyos ay labis na kaibig-ibig, at Siya ay nararapat ibigin. Ito ay kapag naantig ka na ng Diyos. Lahat niyaong nagkaroon na ng gayong karanasan ay naantig na ng Diyos. Para sa kanila na madalas antigin ng Diyos, ang mga pagbabago ay nangyayari sa kanilang mga buhay, nagagawa nilang gawin ang kanilang pagpapasya at nakahandang ganap na kamtin ang Diyos, ang pag-ibig para sa Diyos sa kanilang mga puso ay higit na malakas, ang kanilang mga puso ay ganap nang bumaling sa Diyos, wala silang pagpapahalaga sa pamilya, sa mundo, sa mga kaugnayan, o sa kanilang kinabukasan, at nakahanda silang maglaan ng habambuhay na pagsisikap sa Diyos. Lahat niyaong naantig na ng Espiritu ng Diyos ay mga taong naghahangad sa katotohanan, at mayroong taglay na pag-asa na gagawing perpekto ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 397

Ang pinakamahalaga sa pagsunod sa Diyos ay na dapat alinsunod ang lahat sa mga salita ng Diyos ngayon: Maging ikaw man ay naghahangad ng pagpasok sa buhay o ng katuparan ng kalooban ng Diyos, ang lahat ay dapat nakasentro sa mga salita ng Diyos ngayon. Kung ang iyong pakikipagniig at hinahangad ay hindi nakasentro sa mga salita ng Diyos ngayon, isa kang estranghero sa mga salita ng Diyos, at ganap na nawalan ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang gusto ng Diyos ay ang mga taong sumusunod sa Kanyang mga yapak. Gaano man kahanga-hanga at kadalisay ang naunawaan mo noon, hindi ito gusto ng Diyos, at kung hindi mo magagawang isantabi ang gayong mga bagay, ang mga ito ay magiging napakalaking hadlang sa iyong pagpasok sa hinaharap. Lahat niyaong nagagawang sumunod sa kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Sinundan din ng mga tao sa mga kapanahunang lumipas ang mga yapak ng Diyos, ngunit hindi sila nakasunod hanggang sa kasalukuyan; ito ang pagpapala ng mga tao sa mga huling araw. Yaong mga nagagawang sumunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, at nagagawang sumunod sa mga yapak ng Diyos, na sumusunod sa Diyos saanman Niya sila akayin—ito ang mga tao na pinagpala ng Diyos. Yaong mga hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi pa nakapasok sa gawain ng mga salita ng Diyos, at gaano man sila gumawa, o gaano man katindi ang kanilang pagdurusa, o gaano man sila magparoo’t parito, walang anuman dito ang may kabuluhan sa Diyos, at hindi Niya sila pupurihin. Sa ngayon, lahat niyaong sumusunod sa kasalukuyang mga salita ng Diyos ay nasa daloy ng Banal na Espiritu; yaong mga estranghero sa mga salita ng Diyos ngayon ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang gayong mga tao ay hindi pupurihin ng Diyos. Ang paglilingkod na hiwalay sa kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay paglilingkod na mula sa laman, at mula sa mga kuru-kuro, at imposible itong maging alinsunod sa kalooban ng Diyos. Kung ang mga tao ay nabubuhay sa gitna ng mga relihiyosong kuru-kuro, wala silang magagawang anuman na akma sa kalooban ng Diyos, at bagama’t naglilingkod sila sa Diyos, naglilingkod sila sa kalagitnaan ng kanilang mga guni-guni at mga kuru-kuro, at ganap na walang kakayahan na maglingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi nauunawaan niyaong mga hindi nagagawang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu ang kalooban ng Diyos, at yaong mga hindi nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay hindi maaaring maglingkod sa Diyos. Nais ng Diyos ang paglilingkod na kaayon ng Kanyang sariling puso; ayaw Niya sa paglilingkod na mula sa mga kuru-kuro at sa laman. Kung walang kakayahan ang mga tao na sundan ang mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu, sila ay nabubuhay sa gitna ng mga kuru-kuro. Ang paglilingkod ng gayong mga tao ay nakakaantala at nakakagambala, at ang gayong paglilingkod ay sumasalungat sa Diyos. Kaya yaong mga hindi nagagawang sundan ang mga yapak ng Diyos ay walang kakayahan na maglingkod sa Diyos; yaong hindi magawang sundan ang mga yapak ng Diyos ay tiyak na tiyak na kinakalaban ang Diyos, at mga walang kakayahan na maging kaayon ng Diyos. Ang “pagsunod sa gawain ng Banal na Espiritu” ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa kalooban ng Diyos sa kasalukuyan, ang magawang kumilos alinsunod sa kasalukuyang mga hinihingi ng Diyos, ang magawang sumunod at sundan ang Diyos sa kasalukuyan, at pagpasok alinsunod sa pinakabagong mga pagpapahayag ng Diyos. Tanging ito ang isang tao na sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu at nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang gayong mga tao ay hindi lamang may kakayahan na matanggap ang papuri ng Diyos at makita ang Diyos, kundi malalaman din nila ang disposisyon ng Diyos mula sa pinakabagong gawain ng Diyos, at malalaman din ang mga kuru-kuro at pagsuway ng tao, at kalikasan at diwa ng tao, mula sa Kanyang pinakabagong gawain; bukod dito, nagagawa nilang unti-unting matamo ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa panahon ng kanilang paglilingkod. Ang mga tao lamang na kagaya nito ang nagagawang kamtin ang Diyos, at tunay na nakasumpong na sa tunay na daan. Ang mga taong inaalis ng gawain ng Banal na Espiritu ay mga tao na walang kakayahan na sundan ang pinakabagong gawain ng Diyos, at mga naghihimagsik laban sa pinakabagong gawain ng Diyos. Ang gayong mga tao ay hayagang kinakalaban ang Diyos sapagkat ang Diyos ay gumawa ng bagong gawain, at sapagkat ang imahe ng Diyos ay hindi kagaya ng nasa sa kanilang mga kuru-kuro—bilang resulta nito, hayagan nilang kinakalaban ang Diyos at hinuhusgahan ang Diyos, na humahantong na sila ay kasuklaman at tanggihan ng Diyos. Ang pagtataglay ng kaalaman tungkol sa pinakabagong gawain ng Diyos ay hindi madaling bagay, ngunit kung gusto ng mga tao na sundin ang gawain ng Diyos at hangarin ang gawain ng Diyos, magkakaroon sila ng pagkakataon na makita ang Diyos, at magkakaroon ng pagkakataon na kamtin ang pinakabagong paggabay ng Banal na Espiritu. Yaong mga sinasadyang kalabanin ang gawain ng Diyos ay hindi makakatanggap ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu o ng paggabay ng Diyos. Kaya, kung matatanggap man o hindi ng mga tao ang pinakabagong gawain ng Diyos ay nakasalalay sa biyaya ng Diyos, nakasalalay ito sa kanilang paghahangad, at nakasalalay ito sa kanilang mga layunin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 398

Lahat ng kayang sundin ang kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Hindi mahalaga kung paano man sila dati, o kung paano gumawa ang Banal na Espiritu sa kalooban nila dati—yaong mga nagkamit na ng pinakabagong gawain ng Diyos ang mga pinakapinagpala, at yaong hindi nakasusunod sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan ay inaalis. Nais ng Diyos yaong kayang tanggapin ang bagong liwanag, at nais Niya yaong tumatanggap at nakakaalam sa Kanyang pinakabagong gawain. Bakit sinasabi na dapat kang maging isang malinis na birhen? Nagagawa ng isang malinis na birhen na hangarin ang gawain ng Banal na Espiritu at maunawaan ang mga bagong bagay, at higit pa rito, nagagawang isantabi ang mga dating kuru-kuro, at sundin ang gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Ang grupong ito ng mga tao, na tumatanggap sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan, ay mga unang itinalaga ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at ang mga pinakapinagpala sa lahat ng tao. Naririnig ninyo nang tuwiran ang tinig ng Diyos, at nakikita ang pagpapakita ng Diyos, at kaya, sa kabuuan ng langit at lupa, at sa kabuuan ng mga kapanahunan, walang sinuman ang naging mas pinagpala kaysa sa inyo, ang grupong ito ng mga tao. Ang lahat ng ito ay dahil sa gawain ng Diyos, dahil sa paunang pagtatalaga at pagpili ng Diyos, at dahil sa biyaya ng Diyos; kung hindi sinabi at binigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita, maaari kayang ang inyong mga kalagayan ay magiging kagaya ng sa kasalukuyan? Kaya, lahat nawa ng kaluwalhatian at papuri ay mapasa-Diyos, sapagka’t ang lahat ng ito ay dahil itinataas kayo ng Diyos. Habang iniisip ang mga bagay na ito, makakapanatili ka pa rin bang pasibo? Hindi pa rin ba makauusbong ang iyong lakas?

Na kaya mong tanggapin ang paghatol, pagkastigo, paghampas, at pagpipino ng mga salita ng Diyos, at, higit pa rito, ay kayang tanggapin ang mga atas ng Diyos, ay unang pagtatalaga ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at kaya hindi ka dapat masyadong mabagabag kapag ikaw ay kinakastigo. Walang sinuman ang makaaagaw sa gawain na nagawa na sa inyo, at sa mga pagpapala na naipagkaloob na sa inyo, at walang sinuman ang makaaagaw sa lahat ng mga naibigay na sa inyo. Ang mga tao ng relihiyon ay hindi maihahambing sa inyo. Hindi ninyo taglay ang malaking kahusayan sa Bibliya, at hindi kayo nasasangkapan ng teorya ng relihiyon, ngunit dahil ang Diyos ay gumawa na sa inyo, nagkamit na kayo ng higit sa kaninuman sa kabuuan ng mga kapanahunan—at kaya ito ang inyong pinakamalaking pagpapala. Dahil dito, lalo kayong dapat na maging dedikado sa Diyos, at lalo pang maging tapat sa Diyos. Sapagkat itinataas ka ng Diyos, dapat mong pagtibayin ang iyong mga pagsisikap at dapat ihanda ang iyong tayog na tanggapin ang mga atas ng Diyos. Dapat kang manindigan sa saklaw na ibinigay sa iyo ng Diyos, hangarin ang pagiging isa sa mga tao ng Diyos, tanggapin ang pagsasanay ng kaharian, makamit ng Diyos at sa bandang huli ay maging isang maluwalhating patotoo sa Diyos. Taglay mo ba ang mga kapasyahang ito? Kung taglay mo ang gayong mga kapasyahan, sa huli ay tiyak kang makakamit ng Diyos, at magiging isa kang maluwalhating patotoo sa Diyos. Dapat mong maunawaan na ang pangunahing atas ay ang makamit ng Diyos at maging isang maluwalhating patotoo sa Diyos. Ito ang kalooban ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 399

Ang mga salita ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan ay ang mga dinamika ng gawain ng Banal na Espiritu, at ang patuloy na kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa tao sa panahong ito ay ang kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu. At ano ang kalakaran sa gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan? Ito ay ang pangunguna ng mga tao tungo sa gawain ng Diyos ngayon, at tungo sa isang normal na espirituwal na buhay. Mayroong ilang hakbang sa pagpasok sa isang normal na espirituwal na buhay:

1. Una, dapat mong ibuhos ang iyong puso sa mga salita ng Diyos. Hindi mo dapat hangarin ang mga salita ng Diyos sa nakaraan, at hindi dapat pag-aralan ang mga ito ni ihambing ang mga ito sa mga salita sa kasalukuyan. Sa halip, dapat mong ganap na ibuhos ang iyong puso sa kasalukuyang mga salita ng Diyos. Kung mayroong mga tao na nagnanais pa ring basahin ang mga salita ng Diyos, mga espirituwal na aklat, o iba pang mga tala ng pangangaral mula sa nakaraan, at hindi sumusunod sa mga salita ng Banal na Espiritu ngayon, sila ang pinakahangal sa lahat ng tao; kinamumuhian ng Diyos ang gayong mga tao. Kung nakahanda kang tanggapin ang liwanag ng Banal na Espiritu ngayon, ganap mong ibuhos ang iyong puso sa mga pagpapahayag ng Diyos ngayon. Ito ang unang bagay na dapat mong maabot.

2. Dapat kang manalangin sa saligan ng mga salita na sinabi ng Diyos ngayon, pumasok sa mga salita ng Diyos at makipagniig sa Diyos, at gawin ang iyong mga pasya sa harap ng Diyos, itinatatag kung anong mga pamantayan ang nais mong hangaring matupad.

3. Dapat mong hangarin ang malalim na pagpasok sa katotohanan sa saligan ng gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan. Huwag kang manangan sa lipas nang mga pagpapahayag at mga teorya mula sa nakaraan.

4. Dapat mong hangarin na maantig ng Banal na Espiritu, at pumasok sa mga salita ng Diyos.

5. Dapat mong hangarin ang pagpasok sa landas na nilakaran ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan.

At paano mo hinahangad na maantig ng Banal na Espiritu? Ang napakahalagang bagay ay ang mabuhay sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at manalangin sa saligan ng mga hinihingi ng Diyos. Sa pananalangin sa ganitong paraan, tiyak na aantigin ka ng Banal na Espiritu. Kung hindi ka naghahangad batay sa saligan ng mga salita na sinabi ng Diyos ngayon, ito ay walang ibubunga. Dapat kang manalangin, at sabihin: “O Diyos! Ikaw ay aking kinakalaban, at malaki ang aking pagkakautang sa Iyo; masyado akong masuwayin, at hindi kailanman nagagawang mapalugod Ka. O Diyos, hinihiling ko na iligtas Mo ako, nais kong maglingkod sa Iyo hanggang sa kahuli-hulihan, nais kong mamatay para sa Iyo. Hinahatulan Mo ako at kinakastigo ako, at wala akong mga reklamo; Ikaw ay aking kinakalaban at karapat-dapat akong mamatay, upang lahat ng tao ay maaaring makita ang Iyong matuwid na disposisyon sa aking kamatayan.” Kapag nananalangin ka mula sa kaibuturan ng iyong puso sa ganitong paraan, diringgin ka ng Diyos, at gagabayan ka; kung hindi ka nananalangin sa saligan ng mga salita ng Banal na Espiritu ngayon, walang posibilidad na aantigin ka ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay mananalangin alinsunod sa kalooban ng Diyos, at alinsunod sa kung anong gustong gawin ng Diyos sa kasalukuyan, sasabihin mo: “O Diyos! Nais kong tanggapin ang Iyong mga atas at maging tapat sa Iyong mga atas, at nakahanda akong ilaan ang aking buong buhay sa Iyong kaluwalhatian, upang ang lahat ng aking ginagawa ay makaaabot sa mga pamantayan ng mga tao ng Diyos. Nawa’y antigin Mo ang aking puso. Nais ko na liwanagan akong palagi ng Iyong Espiritu, upang ang lahat ng aking ginagawa ay magdulot ng kahihiyan kay Satanas, na sa bandang huli ako ay Iyong makamit.” Kung mananalangin ka sa ganitong paraan, sa paraang nakasentro sa kalooban ng Diyos, walang-pagsalang gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Hindi mahalaga kung gaano karami ang mga salita sa iyong mga panalangin—ang susi ay kung nauunawaan mo o hindi ang kalooban ng Diyos. Maaaring nagkaroon na kayong lahat ng sumusunod na karanasan: Minsan, habang nananalangin sa isang pagpupulong, ang mga dinamika ng gawain ng Banal na Espiritu ay umaabot sa kanilang kasukdulan, na nagiging sanhi para umusbong ang lakas ng bawat isa. Ang ilang tao ay tumatangis at humahagulgol habang nananalangin, napuspos ng pagsisisi sa harap ng Diyos, at ang ilang tao ay ipinakikita ang kanilang kapasyahan, at gumagawa ng mga panata. Ang gayon ay ang epekto na tatamuhin ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa kasalukuyan, napakahalaga na ganap na ibuhos ng lahat ng tao ang kanilang mga puso sa mga salita ng Diyos. Huwag magtuon ng pansin sa mga salita na sinabi noon; kung pinanghahawakan mo pa rin ang kung ano ang dumating noong una, ang Banal na Espiritu ay hindi gagawa sa kalooban mo. Nakikita mo ba kung gaano kahalaga ito?

Nalalaman ba ninyo ang landas na nilakaran ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan? Ang ilang punto sa itaas ang tutuparin ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan at sa hinaharap; ang mga ito ang landas na tinahak ng Banal na Espiritu, at ang pagpasok na kailangang hangarin ng tao. Sa iyong pagpasok sa buhay, dapat mong ibuhos man lang ang iyong puso sa mga salita ng Diyos, at magawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos; ang iyong puso ay dapat manabik sa Diyos, dapat mong hangarin ang malalim na pagpasok sa katotohanan, at ang mga layunin na hinihingi ng Diyos. Kung tinataglay mo ang ganitong lakas, nagpapakita ito na ikaw ay naantig na ng Diyos, at ang iyong puso ay nagsimula nang bumaling sa Diyos.

Ang unang hakbang sa pagpasok sa buhay ay ang ibuhos mo nang ganap ang iyong puso sa mga salita ng Diyos, at ang ikalawang hakbang ay ang tanggapin na maantig ng Banal na Espiritu. Ano ang epekto na matatamo sa pagtanggap na maantig ng Banal na Espiritu? Ito ay ang magawang manabik, hangarin, at saliksikin ang isang mas malalim na katotohanan, at magawang makipagtulungan sa Diyos sa isang positibong paraan. Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan ka sa Diyos, na ang ibig sabihin ay mayroong layunin sa iyong paghahangad, sa iyong mga panalangin, at sa iyong pakikipagniig sa mga salita ng Diyos, at iyong ginagampanan ang iyong tungkulin alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos—ito lamang ang pakikipagtulungan sa Diyos. Kung magsasalita ka lamang ukol sa pagtutulot na kumilos ang Diyos, ngunit hindi ka gumagawa ng anumang pagkilos, hindi nananalangin o naghahangad, maaari ba itong tawaging pakikipagtulungan? Kung wala kang taglay na anumang pakikipagtulungan sa iyo, at nawalan ka ng pagsasanay para sa pagpasok na mayroong layunin, hindi ka nakikipagtulungan. Sinasabi ng ilang tao: “Ang lahat ay nakasalalay sa pagtatalaga ng Diyos, lahat ng ito ay ginagawa ng Diyos Mismo; kung hindi ito ginawa ng Diyos, paano pa kaya ng tao?” Ang gawain ng Diyos ay normal, at wala ni katiting na higit sa karaniwan, at sa pamamagitan lamang ng iyong aktibong paghahangad kaya gumagawa ang Banal na Espiritu, sapagkat hindi pinipilit ng Diyos ang tao—dapat mong bigyan ang Diyos ng pagkakataon na gumawa, at kung hindi ka maghahangad o papasok, at kung wala ni katiting na kasabikan sa iyong puso, ang Diyos ay walang pagkakataon na gumawa. Sa anong landas ka makakapaghangad na maantig ng Diyos? Sa pamamagitan ng panalangin at paglapit sa Diyos. Ngunit ang pinakamahalaga, tandaan mo, ito ay dapat sa saligan ng mga salita na sinabi ng Diyos. Kapag ikaw ay madalas na antigin ng Diyos, hindi ka alipin ng laman: Asawa, mga anak, at salapi—walang kakayahan ang lahat ng ito na igapos ka, at nais mo lamang hangarin ang katotohanan at mabuhay sa harap ng Diyos. Sa panahong ito, ikaw ay magiging isang tao na nabubuhay sa dako ng kalayaan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 400

Matibay na naipasya ng Diyos na gawing ganap ang tao, at anumang pananaw ang pinagbabatayan ng Kanyang sinasabi, lahat ito ay para magawang perpekto ang mga tao. Ang mga salitang sinambit mula sa pananaw ng Espiritu ay mahirap maunawaan ng mga tao; wala silang paraan para makita ang landas para makapagsagawa, sapagkat limitado ang kanilang kakayahang umunawa. Ang gawain ng Diyos ay nagkakamit ng iba’t ibang epekto, at sa pagsunod sa bawat hakbang ng gawain ay mayroon Siyang layunin. Bukod pa riyan, kailangang mangusap Siya mula sa iba’t ibang pananaw, sapagkat sa paggawa lamang nito Niya maaaring gawing perpekto ang tao. Kung nagsasalita lamang Siya mula sa pananaw ng Espiritu, walang paraan para makumpleto ang yugtong ito ng gawain ng Diyos. Mula sa tono ng Kanyang pananalita, makikita mo na determinado Siyang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao. Kaya ano dapat ang unang hakbang para sa bawat isa sa mga naghahangad na magawang perpekto? Higit sa lahat, kailangan mong malaman ang gawain ng Diyos. Ngayon, nagsimula na ang isang bagong paraan sa gawain ng Diyos; nagbago na ang kapanahunan, nagbago na rin ang paraan ng paggawa ng Diyos, at iba na ang pamamaraan ng pagsasalita ng Diyos. Ngayon, hindi lamang nagbago ang paraan ng Kanyang gawain, kundi pati na ang kapanahunan. Ngayon ang Kapanahunan ng Kaharian. Ito rin ang kapanahunan ng pagmamahal sa Diyos. Isang patikim ito ng Kapanahunan ng Milenyong Kaharian—na siya ring Kapanahunan ng Salita, at kung saan gumagamit ang Diyos ng maraming kaparaanan ng pagsasalita upang gawing perpekto ang tao, at nagsasalita mula sa iba’t ibang pananaw upang tustusan ang tao. Sa pagpasok sa Kapanahunan ng Milenyong Kaharian, magsisimulang gumamit ang Diyos ng mga salita upang gawing perpekto ang tao, na tinutulutan ang tao na makapasok sa realidad ng buhay at inaakay siya patungo sa tamang landas. Dahil nakaranas ng napakaraming hakbang ng gawain ng Diyos, nakita na ng tao na ang gawain ng Diyos ay hindi nananatiling hindi nagbabago, kundi yumayabong at lumalalim nang walang tigil. Matapos itong maranasan ng mga tao nang napakatagal, patuloy na umiinog ang gawain, na paulit-ulit na nagbabago. Gayunman, gaano man ito nagbabago, hindi ito lumilihis kailanman mula sa layunin ng Diyos na maghatid ng kaligtasan sa sangkatauhan. Kahit magbago pa nang sampung libong beses, hindi ito lumilihis sa orihinal nitong layunin kailanman. Paano man maaaring magbago ang pamamaraan ng gawain ng Diyos, hindi kailanman lumalayo ang gawaing ito sa katotohanan o sa buhay. Ang kasama lamang sa mga pagbabago sa pamamaraan ng paggawa ng gawain ay isang pagbabago lamang sa ayos ng gawain, at sa pananaw na pinagbabatayan ng pagsasalita ng Diyos; walang pagbabago sa pinakabuod na layunin ng gawain ng Diyos. Ginagawa ang mga pagbabago sa tono ng tinig ng Diyos at sa pamamaraan ng Kanyang gawain upang may makamit na epekto. Ang isang pagbabago sa tono ng tinig ay hindi nangangahulugan ng pagbabago sa layunin o prinsipyo sa likod ng gawain. Ang pangunahing dahilan ng pananalig ng mga tao sa Diyos ay upang hangarin ang buhay; kung nananalig ka sa Diyos subalit hindi ka naghahangad ng buhay o naghahanap ng katotohanan o ng kaalaman tungkol sa Diyos, hindi ito pananalig sa Diyos! At makatotohanan bang hangarin pa ring makapasok sa kaharian upang maging hari? Ang pagkakamit ng tunay na pagmamahal para sa Diyos sa pamamagitan ng paghahangad ng buhay—ito lamang ang realidad; ang hangaring matamo at isagawa ang katotohanan—lahat ng ito ay realidad. Sa pagbasa sa mga salita ng Diyos, at pagdanas ng mga salitang ito, maiintindihan mo ang kaalaman tungkol sa Diyos sa gitna ng tunay na karanasan, at ito ang kahulugan ng tunay na maghangad.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 401

Ngayon ang Kapanahunan ng Kaharian. Nakapasok ka man sa bagong kapanahunang ito ay depende sa kung nakapasok ka sa realidad ng mga salita ng Diyos, kung naging realidad ng buhay mo ang Kanyang mga salita. Ang mga salita ng Diyos ay ipinapaalam sa bawat tao upang, sa huli, lahat ng tao ay mabuhay sa mundo ng mga salita ng Diyos, at liliwanagan at tatanglawan ng Kanyang mga salita ang kalooban ng bawat tao. Kung, sa panahong ito, hindi ka maingat sa pagbasa sa mga salita ng Diyos, at wala kang interes sa Kanyang mga salita, nagpapakita ito na mali ang iyong kalagayan. Kung hindi ka makapasok sa Kapanahunan ng Salita, hindi gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu; kung nakapasok ka sa kapanahunang ito, gagawin Niya ang Kanyang gawain. Ano ang magagawa mo sa pagsisimula ng Kapanahunan ng Salita upang matamo ang gawain ng Banal na Espiritu? Sa kapanahunang ito, at sa gitna ninyo, isasakatuparan ng Diyos ang sumusunod na realidad: na bawat tao ay isasabuhay ang mga salita ng Diyos, maisasagawa ang katotohanan, at taimtim na mamahalin ang Diyos; na gagamitin ng lahat ng tao ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon at bilang kanilang realidad, at magkakaroon ng pusong nagpipitagan sa Diyos; at na, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, gagamit ang tao ng pangharing kapangyarihan kasama ang Diyos. Ito ang gawaing gagawin ng Diyos. Makakaya mo bang magpatuloy nang hindi binabasa ang mga salita ng Diyos? Ngayon, pakiramdam ng marami ay hindi nila kayang magpatuloy nang kahit isa o dalawang araw lamang nang hindi binabasa ang Kanyang mga salita. Kailangan nilang basahin ang Kanyang mga salita araw-araw, at kung hindi tutulutan ng panahon, sasapat nang makinig sila sa mga ito. Ito ang pakiramdam na ibinibigay ng Banal na Espiritu sa mga tao, at ito ang paraan na sinisimulan Niya silang antigin. Ibig sabihin, pinamamahalaan Niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salita, nang sa gayon ay makapasok sila sa realidad ng mga salita ng Diyos. Kung, pagkaraan ng kahit isang araw lamang na hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, makadarama ka ng kadiliman at pagkauhaw, at hindi mo ito matatagalan, ipinakikita nito na naantig ka na ng Banal na Espiritu, at na hindi ka pa Niya tinatalikuran. Ikaw, kung gayon, ay isang tao na nasa daloy na ito. Gayunman, kung pagkaraan ng isa o dalawang araw nang hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, wala kang anumang nadarama, kung hindi ka nauuhaw, at ni hindi ka man lamang naaantig, nagpapakita ito na tinalikuran ka na ng Banal na Espiritu. Nangangahulugan ito, kung gayon, na may hindi tama sa kalagayang nasa iyong kalooban; hindi ka pa nakapasok sa Kapanahunan ng Salita, at isa ka sa mga yaong naiwan. Gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pamahalaan ang mga tao; maganda ang iyong pakiramdam kung kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, at kung hindi, wala kang landas na susundan. Ang mga salita ng Diyos ay nagiging pagkain ng mga tao, at ang puwersang nagtutulak sa kanila. Sinasabi sa Bibliya na “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos” (Mateo 4:4). Ngayon, tatapusin ng Diyos ang gawaing ito, at isasakatuparan Niya ang katotohanang ito sa inyo. Paano nakakatagal ang mga tao nang maraming araw, noong araw, nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos subalit nakakakain at nakakagawa pa rin tulad ng dati, ngunit hindi ganito ang nangyayari ngayon? Sa kapanahunang ito, mga salita lamang ang ginagamit ng Diyos upang pamahalaan ang lahat. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, hinahatulan at ginagawang perpekto ang tao, pagkatapos ay dinadala sa kaharian sa huli. Mga salita lamang ng Diyos ang makatutustos sa buhay ng tao, at mga salita lamang ng Diyos ang makakapagbigay sa tao ng liwanag at isang landas para magsagawa, lalo na sa Kapanahunan ng Kaharian. Basta’t hindi ka napapalayo mula sa realidad ng mga salita ng Diyos, araw-araw kang kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita, magagawa kang perpekto ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 402

Ang paghahangad na mabuhay ay hindi isang bagay na maaaring madaliin; ang paglago sa buhay ay hindi nangyayari sa loob lamang ng isa o dalawang araw. Ang gawain ng Diyos ay normal at praktikal, at may isang proseso itong kailangang pagdaanan. Kinailangan ni Jesus na nagkatawang-tao ng tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon upang makumpleto ang Kanyang gawaing maipako sa krus—kaya paano naging napakahirap na gawin itong pagdadalisay sa tao at pagbabago ng kanyang buhay? Hindi madaling gumawa ng isang normal na tao na ipinapamalas ang Diyos. Totoo ito lalo na para sa mga taong isinisilang sa bansa ng malaking pulang dragon, na mahina ang kakayahan at nangangailangan ng matagal na panahon ng mga salita at gawain ng Diyos. Kaya huwag kang mainip na makakita ng mga resulta. Kailangan kang maging maagap sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at higit na magsikap sa mga salita ng Diyos. Kapag natapos mong basahin ang Kanyang mga salita, kailangan mong tunay na maisagawa ang mga iyon, lumago sa kaalaman, kabatiran, paghiwatig, at karunungan sa mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan nito, magbabago ka nang hindi mo namamalayan. Kung nagagawa mong tanggapin bilang prinsipyo mo ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pagbasa sa mga ito, pag-alam sa mga ito, maranasan ito, at pagsasagawa ng mga ito, lalago ka nang hindi mo namamalayan. May mga nagsasabi na hindi nila naisasagawa ang mga salita ng Diyos kahit matapos nila itong basahin. Bakit ka nagmamadali? Kapag naabot mo ang isang tiyak na tayog, magagawa mong isagawa ang Kanyang mga salita. Masasabi ba ng isang apat o limang-taong-gulang na bata na hindi nila magawang suportahan o bigyang-dangal ang kanilang mga magulang? Dapat mong malaman kung gaano kataas ang iyong kasalukuyang tayog. Isagawa kung ano ang kaya mong isagawa, at iwasang maging isang tao na gumagambala sa pamamahala ng Diyos. Kainin at inumin lamang ang mga salita ng Diyos, at tanggapin iyon bilang iyong prinsipyo mula ngayon. Huwag kang mag-alala, sa ngayon, kung magagawa kang ganap ng Diyos. Huwag mo munang tuklasin iyon. Kumain at uminom lamang ng mga salita ng Diyos habang dumarating sa iyo ang mga iyon, at titiyakin ng Diyos na magawa kang ganap. Gayunman, may isang prinsipyong kailangan mong sundin sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita. Huwag mo itong gawin nang pikit-mata. Sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, sa isang dako, hanapin ang mga salitang dapat mong malaman—ibig sabihin, yaong may kaugnayan sa mga pangitain—at sa kabilang dako, hangaring malaman yaong dapat mong aktwal na isagawa—ibig sabihin, kung ano ang dapat mong pasukin. Ang isang aspeto ay may kinalaman sa kaalaman, at ang isa pa ay sa pagpasok. Kapag naintindihan mo iyang pareho—kapag naintindihan mo kung ano ang dapat mong malaman at kung ano ang dapat mong isagawa—malalaman mo kung paano kainin at inumin ang mga salita ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 403

Sa pagpapatuloy, ang pag-uusap tungkol sa mga salita ng Diyos ang prinsipyong dapat mong sundin sa iyong pagsasalita. Karaniwan, kapag nagsasama-sama kayo, dapat kayong magbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, na ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang nilalaman ng inyong mga pag-uusap, na pinag-uusapan kung ano ang alam ninyo tungkol sa mga salitang ito, kung paano ninyo isinasagawa ang mga ito, at kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu. Basta’t nagbabahagi ka ng mga salita ng Diyos, paliliwanagin ka ng Banal na Espiritu. Ang pagkakamit ng mundo ng mga salita ng Diyos ay nangangailangan ng pakikipagtulungan ng tao. Kung hindi mo ito papasukin, walang paraan ang Diyos upang gumawa; kung ititikom mo ang iyong bibig at hindi ka magbabahagi tungkol sa Kanyang mga salita, wala Siyang paraan para paliwanagin ka. Tuwing hindi ka naman abala, magbahagi ka tungkol sa mga salita ng Diyos, at huwag basta mag-abala sa walang-kabuluhang pagdadaldalan! Hayaan mong mapuspos ng mga salita ng Diyos ang buhay mo—saka ka lamang magiging isang tapat na mananampalataya. Hindi mahalaga kung mababaw ang iyong pagbabahagi. Kung walang kababawan, hindi magkakaroon ng kalaliman. Kailangan ay may isang proseso. Sa pamamagitan ng iyong pagsasanay, maiintindihan mo ang pagpapalinaw ng Banal na Espiritu sa iyo, at kung paano mas epektibong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos. Pagkaraan ng isang agwat ng pagsisiyasat, papasok ka sa realidad ng mga salita ng Diyos. Kung matibay kang nagpasyang makipagtulungan, saka mo lamang matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu.

Sa mga prinsipyo ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, ang isa ay may kaugnayan sa kaalaman, at ang isa pa ay sa pagpasok. Aling mga salita ang dapat mong malaman? Dapat mong malaman ang mga salitang may kaugnayan sa mga pangitain (tulad ng, yaong mga may kaugnayan sa kung aling kapanahunan ang napasok na ngayon ng gawain ng Diyos, ano ang nais makamit ng Diyos ngayon, ano ang pagkakatawang-tao, at iba pa; lahat ng ito ay may kaugnayan sa mga pangitain). Ano ang ibig sabihin ng landas na dapat pasukin ng tao? Tumutukoy ito sa mga salita ng Diyos na dapat isagawa at pasukin ng tao. Nasa itaas ang dalawang aspeto ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Mula ngayon, kainin at inumin ang mga salita ng Diyos sa ganitong paraan. Kung mayroon kang malinaw na pagkaunawa sa Kanyang mga salita tungkol sa mga pangitain, hindi na kailangang patuloy na magbasa sa lahat ng oras. Napakahalagang kumain at uminom ng iba pang mga salita tungkol sa pagpasok, tulad ng paano ibaling ang puso mo sa Diyos, paano patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos, at paano talikdan ang laman. Ito ang mga bagay na dapat mong isagawa. Kung hindi mo alam kung paano kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, imposible ang tunay na pagbabahagi. Kapag alam mo na kung paano kumain at uminom ng Kanyang mga salita, kapag naintindihan mo na kung ano ang mahalaga, magiging malaya ang pagbabahagi, at anumang isyu ang dumating, magagawa mong ibahagi at maintindihan ang realidad. Kung, kapag nagbabahagi ng mga salita ng Diyos, wala kang realidad, hindi mo pa naiintindihan kung ano ang mahalaga, na nagpapakita na hindi mo alam kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Maaaring nakakapagod para sa ilan ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, na hindi isang normal na kalagayan. Ang normal ay hindi mapagod kailanman sa pagbasa sa mga salita ng Diyos, palaging mauhaw para sa mga ito, at palaging iniisip na mabuti ang mga salita ng Diyos. Ganito kumain at uminom ng mga salita ng Diyos ang isang taong tunay na nakapasok. Kapag nadarama mo na ang mga salita ng Diyos ay masyadong praktikal at siya mismong dapat pasukin ng tao; kapag nadarama mo na napakalaking tulong at kapaki-pakinabang sa tao ang Kanyang mga salita, at na ang mga ito ang panustos sa buhay ng tao—ang Banal na Espiritu ang nagbibigay sa iyo ng damdaming ito, at ang Banal na Espiritu ang umaantig sa iyo. Pinatutunayan nito na ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa iyo at na hindi ka pa tinalikuran ng Diyos. Ang ilang tao, na nakikita na ang Diyos ay laging nagsasalita, ay nagsasawa sa Kanyang mga salita, at iniisip na walang kahihinatnan kung basahin man nila ang mga ito o hindi—na hindi isang normal na kalagayan. Wala silang pusong nauuhaw na makapasok sa realidad, at ang gayong mga tao ay hindi nauuhaw ni nagpapahalaga na magawa silang perpekto. Tuwing nasusumpungan mo na hindi ka uhaw sa mga salita ng Diyos, nagpapakita ito na hindi normal ang iyong kalagayan. Noong araw, malalaman kung tumalikod na ang Diyos sa iyo kung payapa ang iyong kalooban at nakaranas ka ng kasiyahan o hindi. Ngayon ang mahalaga ay kung uhaw ka sa mga salita ng Diyos, kung ang Kanyang mga salita ay iyong realidad, kung ikaw ay tapat, at kung nagagawa mo ang lahat ng makakaya mo para sa Diyos. Sa madaling salita, hinahatulan ang tao sa pamamagitan ng realidad ng mga salita ng Diyos. Itinutuon ng Diyos ang Kanyang mga salita sa buong sangkatauhan. Kung handa kang basahin ang mga ito, liliwanagan ka Niya, ngunit kung hindi, hindi Niya gagawin iyon. Nililiwanagan ng Diyos ang mga nagugutom at uhaw sa katuwiran, at nililiwanagan Niya ang mga naghahanap sa Kanya. Sinasabi ng ilan na hindi sila niliwanagan ng Diyos kahit matapos nilang basahin ang Kanyang mga salita. Ngunit sa paanong paraan mo binasa ang mga salitang ito? Kung binasa mo ang Kanyang mga salita sa paraang tinitingnan ng isang taong nakakabayo ang mga bulaklak, at hindi pinahalagahan ang realidad, paano ka maliliwanagan ng Diyos? Paano Niya magagawang perpekto ang isang taong hindi nagpapahalaga sa mga salita ng Diyos? Kung hindi mo pinahahalagahan ang mga salita ng Diyos, hindi mapapasaiyo ang katotohanan ni ang realidad. Kung pinahahalagahan mo ang Kanyang mga salita, maisasagawa mo ang katotohanan, at saka lamang mapapasaiyo ang realidad. Kaya nga kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos sa lahat ng oras, abala ka man o hindi, masama man ang iyong sitwasyon o hindi, at sinusubukan ka man o hindi. Sa kabuuan, ang mga salita ng Diyos ang pundasyon ng pag-iral ng tao. Walang sinumang maaaring tumalikod sa Kanyang mga salita, kundi kailangang kumain ng Kanyang mga salita tulad ng pagkain nang tatlong beses sa isang araw. Ganoon ba kadaling magawang perpekto at maangkin ng Diyos? Nauunawaan mo man o hindi sa ngayon, at mayroon ka mang kabatiran sa gawain ng Diyos o wala, kailangan mong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos hangga’t maaari. Ito ang pagpasok sa isang maagap na paraan. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, magmadaling isagawa kung ano ang kaya mong pasukin, at pansamantalang isantabi kung ano ang hindi mo kayang pasukin. Maaaring marami sa mga salita ng Diyos ang hindi mo maunawaan sa simula, ngunit pagkaraan ng dalawa o tatlong buwan, marahil ay kahit isang taon, mauunawaan mo ito. Paano mangyayari ito? Ito ay dahil hindi magagawang perpekto ng Diyos ang mga tao sa loob ng isa o dalawang araw. Madalas, kapag binasa mo ang Kanyang mga salita, maaaring hindi mo ito maunawaan kaagad. Sa sandaling iyon, maaaring tila mga salita lamang ang mga iyon; kailangan mong maranasan ang mga iyon nang ilang panahon bago mo maunawaan ang mga iyon. Dahil napakarami nang nasabi ng Diyos, dapat mong gawin ang lahat upang kainin at inumin ang Kanyang mga salita, at pagkatapos, hindi mo namamalayan, mauunawaan mo ang mga ito, at hindi mo namamalayan, liliwanagan ka ng Banal na Espiritu. Kapag nililiwanagan ng Banal na Espiritu ang tao, madalas ay lingid ito sa kaalaman ng tao. Nililiwanagan at ginagabayan ka Niya kapag ikaw ay nauuhaw at naghahanap. Ang prinsipyo kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu ay nakasentro sa mga salita ng Diyos na iyong kinakain at iniinom. Lahat ng hindi nagpapahalaga sa mga salita ng Diyos at palaging iba ang saloobin tungkol sa Kanyang mga salita—na naniniwala, sa kanilang magulong pag-iisip, na walang halaga kung binabasa nila ang Kanyang mga salita o hindi—ay yaong mga walang realidad. Hindi makikita ang gawain ng Banal na Espiritu ni ang kaliwanagang hatid Niya sa gayong tao. Ang mga taong katulad nito ay nagpapadala lamang sa agos, mga mapagpanggap na walang totoong mga kakayahan, tulad ni Mr. Nanguo sa talinghaga.[a]

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “sa talinghaga.”


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 404

Kapag lumalabas ang mga salita ng Diyos, dapat mong tanggapin kaagad ang mga ito, at kainin at inumin ang mga ito. Gaano man karami ang nauunawaan mo, ang isang pananaw na kailangan mong paniwalaan nang husto ay ang pagkain at pag-inom, pag-alam, at pagsasagawa ng Kanyang mga salita. Ito ay isang bagay na dapat mong magawa. Huwag mo nang isipin kung gaano kataas ang iyong magiging tayog; magtuon ka lamang sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita. Dito dapat makipagtulungan ang tao. Ang iyong espirituwal na buhay higit sa lahat ay sikaping pumasok sa realidad ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pagsasagawa ng mga iyon. Huwag mong pagtuunan ang anupamang ibang bagay. Dapat magabayan ng mga lider ng iglesia ang lahat ng kanilang kapatid para alam nila kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Ito ang responsibilidad ng bawat isang lider ng iglesia. Bata man sila o matanda, lahat ay dapat ituring ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos na napakahalaga at dapat isapuso ang Kanyang mga salita. Ang pagpasok tungo sa realidad na ito ay nangangahulugan ng pagpasok sa Kapanahunan ng Kaharian. Ngayon, pakiramdam ng karamihan ng mga tao ay hindi sila mabubuhay nang hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, at pakiramdam nila ay sariwa ang Kanyang mga salita anumang oras. Ang ibig sabihin nito ay na nagsisimula silang tumahak sa tamang landas. Gumagamit ang Diyos ng mga salita upang gawin ang Kanyang gawain at tustusan ang tao. Kapag nasasabik at nauuhaw ang lahat para sa mga salita ng Diyos, papasok ang sangkatauhan sa mundo ng Kanyang mga salita.

Napakarami nang nasabi ng Diyos. Gaano karami ang nalaman mo? Gaano karami ang napasok mo? Kung hindi nagabayan ng isang lider ng iglesia ang kanilang mga kapatid tungo sa realidad ng mga salita ng Diyos, nagpabaya sila sa kanilang tungkulin, at nabigong tuparin ang kanilang mga responsibilidad! Malalim man o mababaw ang iyong pang-unawa, anuman ang antas ng iyong pang-unawa, kailangan mong malaman kung paano kumain at uminom ng Kanyang mga salita, kailangan mong pakinggan nang husto ang Kanyang mga salita, at unawain ang kahalagahan at pangangailangan ng pagkain at pag-inom ng mga iyon. Dahil napakarami nang nasabi ng Diyos, kung hindi mo kinakain at iniinom ang Kanyang mga salita, o sinisikap na matamo, o isagawa ang Kanyang mga salita, hindi ito matatawag na paniniwala sa Diyos. Dahil naniniwala ka sa Diyos, kailangan mong kainin at inumin ang Kanyang mga salita, danasin ang Kanyang mga salita, at isabuhay ang Kanyang mga salita. Ito lamang ang matatawag na paniniwala sa Diyos! Kung naniniwala ka sa Diyos sa salita subalit hindi mo naisasagawa ang anuman sa Kanyang mga salita o nakakagawa ng anumang realidad, hindi ito tinatawag na paniniwala sa Diyos. Sa halip, ito ay “paghahanap ng tinapay upang pawiin ang gutom.” Ang pagsasalita lamang ng mga walang-kuwentang patotoo, walang-silbing mga bagay, at mababaw na mga bagay, nang wala ni katiting na realidad: hindi bumubuo ang mga ito ng paniniwala sa Diyos, at talagang hindi mo naintindihan ang tamang paraan ng paniniwala sa Diyos. Bakit mo kailangang kainin at inumin ang mga salita ng Diyos hangga’t maaari? Kung hindi ka kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita kundi naghahangad ka lamang na makaakyat sa langit, paniniwala ba iyon sa Diyos? Ano ang unang hakbang na dapat gawin ng isang naniniwala sa Diyos? Sa anong landas ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Maaari ka bang magawang perpekto nang hindi ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos? Maituturing ka bang isang tao ng kaharian kung hindi nagsisilbing iyong realidad ang mga salita ng Diyos? Ano ba talaga ang ibig sabihin ng paniniwala sa Diyos? Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat man lamang kumilos nang maayos sa labas; ang pinakamahalaga sa lahat ay ang mag-angkin ng mga salita ng Diyos. Anuman ang mangyari, hindi ka maaaring tumalikod kailanman mula sa Kanyang mga salita. Ang pagkilala sa Diyos at pagtupad sa Kanyang mga layunin ay nakakamit na lahat sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Sa hinaharap, bawat bansa, denominasyon, relihiyon, at sektor ay malulupig sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Magsasalita nang tuwiran ang Diyos, at lahat ng tao ay hahawakan ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga kamay, at sa pamamagitan nito, magagawang perpekto ang sangkatauhan. Sa loob at sa labas, ang mga salita ng Diyos ay lumalaganap saanman: Sasambitin ng bibig ng sangkatauhan ang mga salita ng Diyos, magsasagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos, at iingatan sa kalooban ang mga salita ng Diyos, na nananatiling babad sa mga salita ng Diyos kapwa sa kilos at kalooban. Sa ganito magagawang perpekto ang sangkatauhan. Yaong mga tumutupad sa mga layunin ng Diyos at nagagawang magpatotoo sa Kanya, ito ang mga taong nagtataglay ng mga salita ng Diyos bilang kanilang realidad.

Ang pagpasok sa Kapanahunan ng Salita—ang Kapanahunan ng Milenyong Kaharian—ang gawaing isinasakatuparan ngayon. Mula ngayon, magsanay ng pagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos. Tanging sa pagkain at pag-inom gayundin sa pagdanas ng mga salita ng Diyos mo maaaring isabuhay ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong magkaroon ng ilang praktikal na karanasan upang makumbinsi ang iba. Kung hindi mo maisasabuhay ang realidad ng mga salita ng Diyos, walang mahihimok! Lahat ng kinakasangkapan ng Diyos ay maaaring isabuhay ang realidad ng mga salita ng Diyos. Kung hindi ka makalilikha ng realidad na ito at makakapagpatotoo sa Diyos, nagpapakita ito na hindi nakagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at na hindi ka pa nagawang perpekto. Ito ang kahalagahan ng mga salita ng Diyos. Mayroon ka bang pusong uhaw sa mga salita ng Diyos? Yaong mga uhaw sa mga salita ng Diyos ay uhaw sa katotohanan, at ang gayong mga tao lamang ang pinagpapala ng Diyos. Sa hinaharap, marami pang salitang sasabihin ang Diyos sa lahat ng relihiyon at lahat ng denominasyon. Nagsasalita muna Siya at bumibigkas ng Kanyang tinig sa inyo upang gawin kayong ganap bago magpatuloy sa pagsasalita at pagbigkas ng Kanyang tinig sa mga Hentil upang lupigin sila. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, lahat ay taos-puso at lubos na makukumbinsi. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at sa Kanyang mga paghahayag, nababawasan ang tiwaling disposisyon ng tao, nagtatamo siya ng anyo ng isang tao, at nababawasan ang kanyang masuwaying disposisyon. Ang mga salita ay gumagawa sa taong may awtoridad at nilulupig ang tao sa loob ng liwanag ng Diyos. Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa kasalukuyang kapanahunan, gayundin ang mga oras ng pagpapasya tungkol sa Kanyang gawain, ay matatagpuang lahat sa loob ng Kanyang mga salita. Kung hindi mo babasahin ang Kanyang mga salita, wala kang mauunawaan. Sa pamamagitan ng iyong sariling pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita, at pakikibahagi sa iyong mga kapatid at sa iyong aktwal na mga karanasan, matatamo mo ang buong kaalaman ng mga salita ng Diyos. Saka mo lamang magagawang tunay na maisabuhay ang realidad ng mga ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 405

Dati Ko nang nasabi na “Tatalikdan ang lahat na nakatuon sa pagmamasid ng mga tanda at mga kababalaghan; hindi sila yaong mga magagawang perpekto.” Nakapagwika Ako ng napakaraming salita, ngunit ang tao ay wala ni bahagyang kaalaman sa gawaing ito, at, pagkaraang makarating sa puntong ito, humihingi pa rin ang tao ng mga tanda at mga kababalaghan. Ang paniniwala mo ba sa Diyos ay paghahabol lamang sa mga tanda at mga kababalaghan, o ito ba ay upang makapagtamo ng buhay? Nagwika rin si Jesus ng maraming salita, at hindi pa natutupad ngayon ang ilan sa mga ito. Masasabi mo bang si Jesus ay hindi Diyos? Nagpatotoo ang Diyos na Siya ay si Cristo at ang minamahal na Anak ng Diyos. Maitatatwa mo ba ito? Ngayon, bumibigkas lamang ang Diyos ng mga salita, at kung hindi mo ito lubos na nalalaman, kung gayon ay hindi ka makapaninindigan. Naniniwala ka ba sa Kanya dahil Siya ay Diyos, o naniniwala ka ba sa Kanya batay sa kung natutupad o hindi ang Kanyang mga salita? Naniniwala ka ba sa mga tanda at mga kababalaghan, o naniniwala ka ba sa Diyos? Ngayon, hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan—tunay ba Siyang Diyos? Kung hindi natutupad ang mga salita na Kanyang winiwika, Siya ba ay tunay na Diyos? Natutukoy ba ang diwa ng Diyos sa kung natutupad o hindi ang winiwika Niyang mga salita? Bakit ba may ilang tao na laging naghihintay sa katuparan ng mga Salita ng Diyos bago sila maniwala sa Kanya? Nangangahulugan ba ito na hindi nila Siya kilala? Mga taong nagtatatwa sa Diyos ang lahat ng nag-aangkin ng ganoong mga kuru-kuro. Ginagamit nila ang mga kuru-kuro upang sukatin ang Diyos; kung natutupad ang mga salita ng Diyos, naniniwala sila sa Diyos, at kung hindi, hindi sila naniniwala sa Kanya; at lagi nilang tinutugis ang mga tanda at mga kababalaghan. Hindi ba’t ang mga taong ito ang mga Pariseo ng mga makabagong panahon? Nakatitindig ka man nang matatag o hindi ay batay sa kung nakikilala mo o hindi ang tunay na Diyos—napakahalaga nito! Mas malaki ang realidad ng salita ng Diyos sa iyo, mas malaki ang iyong kaalaman sa realidad ng Diyos, at mas nakakaya mong magpakatibay sa panahon ng mga pagsubok. Mas nakatuon kang makakita ng mga tanda at mga kababalaghan, mas hindi mo nakakayang tumindig nang matatag, at babagsak ka sa gitna ng mga pagsubok. Hindi ang mga tanda at mga kababalaghan ang pundasyon; tanging ang realidad ng Diyos ang buhay. May ilang tao na hindi alam ang mga epekto na makakamit ng gawain ng Diyos. Ginugugol nila ang kanilang mga araw sa kalituhan, hindi itinataguyod ang kaalaman sa gawain ng Diyos. Ang layunin ng kanilang pagtataguyod ay lagi lamang ipatupad sa Diyos ang kanilang mga ninanasa, at saka lamang sila magiging dibdiban sa kanilang paniniwala. Sinasabi nila na kanilang itataguyod ang buhay kung natutupad ang mga salita ng Diyos, ngunit kung hindi natutupad ang mga salita Niya, kung gayon ay walang posibilidad na kanilang itaguyod ang buhay. Iniisip ng tao na ang paniniwala sa Diyos ay ang pagtataguyod sa pagkakita ng mga tanda at mga kababalaghan at ang pagtataguyod sa pag-akyat sa langit at sa ikatlong langit. Walang sinuman sa kanila ang nagsasabi na ang kanilang paniniwala sa Diyos ay ang pagtataguyod sa pagpasok sa realidad, ang pagtataguyod sa buhay, at ang pagtataguyod na makamit ng Diyos. Anong kahalagahan mayroon ang pagtataguyod na tulad nito? Yaong mga hindi nagtataguyod ng pagkakilala sa Diyos at sa kaluguran ng Diyos ay yaong mga hindi naniniwala sa Diyos; sila ang mga lumalapastangan sa Diyos!

Ngayon nauunawaan ba ninyo kung ano ang paniniwala sa Diyos? Nangangahulugan ba ang paniniwala sa Diyos ng pagkakita ng mga tanda at mga kababalaghan? Nangangahulugan ba ito ng pag-akyat sa langit? Hindi madali kahit bahagya ang paniniwala sa Diyos. Dapat maalis ang gayong mga relihiyosong pagsasagawa ng pagtataguyod sa paglunas sa mga maysakit at pagpapatalsik sa mga demonyo, ang pagtutuon sa mga tanda at kababalaghan, pagnanasa sa higit pang biyaya, kapayapaan at kagalakan ng Diyos, paghahabol ng mga pagkakataon at mga kaginhawahan ng laman—pawang relihiyosong gawi ang mga ito, at malabong uri ng paniniwala ang mga ganoong relihiyosong gawi. Ano ang tunay na paniniwala sa Diyos ngayon? Ito ay ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang realidad ng buhay mo at ang pagkilala sa Diyos mula sa Kanyang salita upang makamit ang tunay na pagmamahal sa Kanya. Upang maging malinaw: Ang paniniwala sa Diyos ay upang sumunod ka sa Diyos, mahalin ang Diyos, at gampanan ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha ng Diyos. Ito ang layunin ng paniniwala sa Diyos. Dapat mong kamtin ang isang pagkakilala sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos, sa kung gaano karapat-dapat ang Diyos sa paggalang, sa kung paano, sa Kanyang mga nilikha, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas at ginagawa silang perpekto—ito ang mga pinakamahalagang dapat taglayin ng iyong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos sa pangunahin ay ang paglipat mula sa isang pamumuhay ng laman tungo sa isang buhay ng pagmamahal sa Diyos; mula sa pamumuhay na nakapaloob sa katiwalian tungo sa pamumuhay na nakapaloob sa buhay ng mga salita ng Diyos; ito ay paglabas mula sa ilalim ng sakop ni Satanas at pamumuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, ito ay ang nakakayanang makamit ang pagkamasunurin sa Diyos at hindi ang pagkamasunurin sa laman, ito ay pagpapahintulot sa Diyos na makamit ang iyong buong puso, pagpapahintulot sa Diyos na gawin kang perpekto, at pagpapalaya sa iyong sarili mula sa tiwaling mala-satanas na disposisyon. Pangunahin ang paniniwala sa Diyos upang ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay mangyaring mahayag sa iyo, nang sa gayon maaari mong gawin ang kalooban ng Diyos, at tuparin ang plano ng Diyos, at magawang patotohanan ang Diyos sa harap ni Satanas. Ang paniniwala sa Diyos ay hindi dapat umikot sa pagnanais na makita ang mga tanda at mga kababalaghan, o hindi ito dapat alang-alang sa iyong personal na laman. Tungkol ito dapat sa pagtataguyod sa pagkilala sa Diyos, at kakayahang sumunod sa Diyos, at, tulad ni Pedro, sumunod sa Kanya hanggang kamatayan. Ito ang mga pangunahing layunin ng paniniwala sa Diyos. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay upang makilala ang Diyos at upang ikalugod Niya. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay nagbibigay sa iyo ng higit na pagkakilala sa Diyos, at pagkaraan lamang nito makasusunod ka sa Diyos. Tanging kung may pagkakilala ka sa Diyos na magagawa mong ibigin Siya, at ito ang layuning dapat taglayin ng tao sa kanyang paniniwala sa Diyos. Kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, palagi mong sinusubukang makita ang mga tanda at mga kababalaghan, mali kung gayon ang pananaw ng ganitong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos ay pangunahing pagtanggap sa mga salita ng Diyos bilang realidad ng buhay. Makakamit lamang ang layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos mula sa Kanyang bibig at pagsasakatuparan ng mga iyon sa iyong sariling kalooban. Sa paniniwala sa Diyos, dapat magpunyagi ang tao na magawang perpekto ng Diyos, ang makayanang magpasakop sa Diyos, at para sa ganap na pagkamasunurin sa Diyos. Kung masusunod mo ang Diyos nang hindi dumaraing, isaisip ang mga ninanais ng Diyos, kamtin ang tayog ni Pedro, at taglayin ang pamamaraan ni Pedro na sinabi ng Diyos, diyan mo matatamo ang tagumpay sa paniniwala sa Diyos, at ito ang magpapahiwatig na nakamtan ka na ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos

Sinundan: Pagpasok sa Buhay

Sumunod: Pagpasok sa Buhay II

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito