Pagpasok sa Buhay II
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 406
Kapag pinananaligan, minamahal, at pinalulugod ng mga tao ang Diyos, hinahaplos nila ang Espiritu ng Diyos gamit ang kanilang puso at sa gayon ay nakakamit ang Kanyang kaluguran, nakikipag-ugnayan sila sa mga salita ng Diyos gamit ang kanilang puso, at sa gayon ay naaantig sila ng Kanyang Espiritu. Kung nais mong mamuhay ng isang normal na espirituwal na buhay at magtatag ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, kailangan mo munang ibigay sa Kanya ang iyong puso. Pagkatapos mong mapatahimik ang iyong puso sa Kanyang harapan at maibuhos sa Kanya ang iyong buong puso, saka mo lamang magagawang unti-unting magkaroon ng isang normal na espirituwal na buhay. Kung sa pananalig ng mga tao sa Diyos ay hindi nila ibinibigay ang kanilang puso sa Kanya, kung ang kanilang puso ay wala sa Kanya, at hindi nila tinatrato ang Kanyang pasanin bilang sarili nilang pasanin, lahat ng kanilang ginagawa ay pandaraya sa Diyos, isang tipikal na kilos ng mga taong relihiyoso, at hindi nito matatamo ang papuri ng Diyos. Walang makakamit ang Diyos sa ganitong klaseng tao, maaari lamang silang magsilbing mapaghahambinganan ng Kanyang gawain. Ang mga taong ito ay gaya ng mga palamuti sa sambahayan ng Diyos—sila ay umookupa lamang ng lugar at sila ay basura, at hindi sila ginagamit ng Diyos. Hindi lamang walang pagkakataon na gagawaan sila ng Banal na Espiritu, wala ring halaga na gawin silang perpekto. Ang ganitong klaseng tao, sa totoo lang, ay isang naglalakad na bangkay. Walang bahagi nila ang magagamit ng Banal na Espiritu—lubusan na silang pinangibabawan at malalim na nagawang tiwali ni Satanas. Aalisin ng Diyos ang mga taong ito. Kapag gumagamit ng mga tao ang Banal na Espiritu sa kasalukuyan, hindi lamang Niya ginagamit ang mga kanais-nais nilang bahagi upang magawa ang mga bagay-bagay—pineperpekto at binabago rin Niya ang mga bahagi nilang hindi kanais-nais. Kung kaya mong ibuhos sa Diyos ang puso mo at mapatahimik ito sa Kanyang harapan, magkakaroon ka ng pagkakataon at mga kwalipikasyon para magamit ng Banal na Espiritu, at matanggap ang Kanyang kaliwanagan at pagtanglaw. Bukod pa riyan, magkakaroon ka ng pagkakataon para mapunan ng Banal na Espiritu ang iyong mga pagkukulang. Kapag ibinigay mo sa Diyos ang puso mo, ang positibong panig, makapagtatamo ka ng mas malalim na pagpasok at makapagtatamo ka ng mas mataas na antas ng kabatiran. Ang negatibong panig, mas malalaman mo ang iyong mga pagkukulang at kamalian, at lalo kang mananabik at maghahangad na mapalugod ang kalooban ng Diyos. Higit pa roon, hindi ka magiging pasibo, magagawa mong aktibong pumasok. Ipinakikita nito na isa kang tamang tao. Ipagpalagay nang kaya ng puso mo na manatiling tahimik sa harap ng Diyos, kung tatanggap ka o hindi ng papuri mula sa Banal na Espiritu, at kung mapalulugod mo o hindi ang Diyos, ay labis na nakabatay sa kung aktibo kang makapapasok. Kapag binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu ang mga tao at ginagamit sila, hindi Niya sila kailanman ginagawang negatibo, lagi Niya silang aktibong pinasusulong. At kapag ginagawa Niya ito, taglay pa rin ng mga tao ang kanilang mga kahinaan, pero hindi sila namumuhay batay sa mga ito. Hindi nila ipinagpapaliban ang paglago ng kanilang buhay, at patuloy nilang hinahangad na mapalugod ang kalooban ng Diyos. Ito ay isang pamantayan. Kung matatamo mo ito, patunay ito na nakamit mo na ang presensya ng Banal na Espiritu. Kung palaging negatibo ang isang tao, at kung kahit matapos niyang matanggap ang kaliwanagan at makilala ang kanyang sarili ay nananatili pa rin siyang negatibo at pasibo at hindi niya magawang tumayo at gumawa kasama ng Diyos, natanggap lamang niya ang biyaya ng Diyos, at hindi sumasakanya ang Banal na Espiritu. Ang kanyang pagiging negatibo ay nangangahulugang hindi nakabaling sa Diyos ang kanyang puso, at hindi pa naaantig ng Espiritu ng Diyos ang kanyang espiritu. Dapat itong maunawaan ng lahat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 407
Mula sa karanasan, makikita na napakahalaga na mapatahimik ng isang tao ang kanyang puso sa harap ng Diyos. May kinalaman ito sa mga usapin tungkol sa espirituwal na buhay at paglago sa buhay ng mga tao. Magbubunga lamang ang pagsisikap mong matamo ang katotohanan at mabago ang iyong disposisyon kung payapa ang puso mo sa harap ng Diyos. Ito ay dahil humarap ka sa Kanya nang may pasanin, dahil palagi mong nadarama na nagkukulang ka sa napakaraming paraan, na maraming katotohanan ang kailangan mong malaman, na maraming realidad na kailangan mong maranasan, at na dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Nasa isip mo palagi ang mga bagay na ito, para bang labis kang dinadaganan ng mga ito na hindi ka na makahinga, at sa gayon ay napakalungkot mo (bagama’t hindi ka negatibo). Ang ganitong tao lamang ang karapat-dapat na tumanggap ng kaliwanagan ng mga salita ng Diyos at maantig ng Espiritu ng Diyos. Ito ay dahil sa kanilang pasanin, dahil napakalungkot nila, at, masasabing, dahil sa halagang kanilang ibinayad at pagdurusa na kanilang tiniis sa harap ng Diyos, kung kaya’t natatanggap nila ang Kanyang kaliwanagan at pagtanglaw. Sapagkat hindi binibigyan ng Diyos ng espesyal na pagtrato ang sinuman. Lagi Siyang patas sa pagtrato Niya sa mga tao, ngunit hindi rin Siya nagbibigay sa mga tao nang basta-basta o walang kundisyon. Ito ay isang aspeto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Sa totoong buhay, hindi pa naaabot ng karamihan sa mga tao ang dakong ito. Ano’t anuman, hindi pa nakababaling nang husto sa Diyos ang kanilang puso, kaya wala pang anumang malaking pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Ito ay dahil sa nabubuhay lamang sila sa biyaya ng Diyos at hindi pa nila natatamo ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga pamantayang kailangang maabot ng mga tao para magamit ng Diyos ay ang mga sumusunod: Kailangan ay nakabaling sa Diyos ang kanilang puso, kailangang dinadala nila ang pasanin ng Kanyang mga salita, kailangan ay mayroon silang pusong nananabik, at kailangang desidido silang sikaping matamo ang katotohanan. Ang ganitong mga tao lamang ang maaaring magtamo ng gawain ng Banal na Espiritu at madalas na magtamo ng Kanyang kaliwanagan at pagtanglaw. Sa tingin ay parang walang katwiran at normal na kaugnayan sa iba ang mga taong ginagamit ng Diyos, subalit nagsasalita sila nang maingat, nang may kagandahang-asal, at palagi nilang kayang patahimikin ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Ito mismo ang klase ng tao na karapat-dapat gamitin ng Banal na Espiritu. Ang mga “walang katwirang” taong ito na tinutukoy ng Diyos ay tila ba walang normal na kaugnayan sa iba, at hindi mahalaga sa kanila ang pagpapakita ng pagmamahal o mga panlabas na pagsasagawa, ngunit kapag nagbabahagi sila tungkol sa mga espirituwal na bagay, nagagawa nilang buksan ang kanilang puso at bigyan ang iba ng pagtanglaw at kaliwanagang natamo nila mula sa kanilang aktuwal na mga karanasan sa harap ng Diyos, nang hindi iniisip ang kanilang sarili. Ganito nila ipinahahayag ang kanilang pagmamahal sa Diyos at pinalulugod ang Kanyang kalooban. Kapag sinisiraan at nililibak sila ng iba, naiiwasan nilang maimpluwensyahan ng mga tao, usapin, o bagay, at nananatili silang tahimik sa harap ng Diyos. Tila ba may sarili silang kakaibang mga kabatiran. Anuman ang ginagawa ng iba, hindi kailanman iniiwan ng puso nila ang Diyos. Kapag nag-uusap at nagtatawanan ang iba, nananatili ang kanilang puso sa harap ng Diyos, binubulay-bulay nila ang Kanyang salita, o tahimik silang nananalangin sa Diyos sa puso nila, hinahanap ang Kanyang mga layunin. Hindi pinahahalagahan ng mga taong ito ang pagpapanatili ng mga normal na interpersonal na kaugnayan sa mga tao, at tila ba wala silang pilosopiya sa pamumuhay. Mukha silang masigla, kaibig-ibig, at inosente, ngunit nagtataglay rin sila ng kahinahunan. Ito ang wangis ng klase ng taong ginagamit ng Diyos. Ang mga bagay na gaya ng pilosopiya sa pamumuhay o “normal na katwiran” ay sadyang hindi gumagana sa ganitong klaseng tao. Ibinuhos na nila ang kanilang buong puso sa salita ng Diyos, at tila ba ang Diyos lamang ang nasa kanilang puso. Ito ang klase ng “walang katwirang” tao na tinutukoy ng Diyos, at ito mismo ang klase ng taong ginagamit ng Diyos. Ang tanda ng isang taong ginagamit ng Diyos ay: Kailan man o saan man, ang kanyang puso ay palaging nasa harap ng Diyos, at gaano man kasama ang iba, o gaano man magpalayaw ang ibang tao sa pagnanasa at tawag ng laman, hindi kailanman iniiwan ng puso ng taong ito ang Diyos, at hindi siya sumusunod sa karamihan. Ang ganitong klaseng tao lamang ang angkop na gamitin ng Diyos, at ang ganitong klaseng tao lamang ang ginagawang perpekto ng Banal na Espiritu. Kung hindi mo ito kayang matamo, hindi ka karapat-dapat na makamit ng Diyos, o maperpekto ng Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 408
Kung nais mong magtatag ng normal na kaugnayan sa Diyos, kailangang nakabaling sa Kanya ang puso mo; sa pundasyong ito, magkakaroon ka na rin ng mga normal na kaugnayan sa ibang tao. Kung wala kang normal na kaugnayan sa Diyos, anuman ang gawin mo upang mapanatili ang iyong mga kaugnayan sa ibang tao, gaano ka man magsumikap o gaanong lakas man ang iyong ibuhos, ang lahat ng ito ay magiging sa isang pilosopiya lamang ng tao sa pamumuhay. Pangangalagaan mo ang iyong katayuan sa mga tao at makakamit ang kanilang papuri sa pamamagitan ng mga pananaw ng tao at mga pilosopiya ng tao, sa halip na magtatag ng mga normal na interpersonal na kaugnayan ayon sa salita ng Diyos. Kung hindi ka magtutuon ng pansin sa iyong mga kaugnayan sa mga tao, at sa halip ay magpapanatili ka ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, kung handa kang ibigay sa Diyos ang puso mo at matutuhan Siyang sundin, natural lamang na magiging normal ang iyong mga interpersonal na kaugnayan. Sa gayon, hindi itatatag sa laman ang mga kaugnayang ito, kundi sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos. Halos wala kang magiging pakikipag-ugnayan sa laman sa ibang mga tao, ngunit sa espirituwal na antas ay magkakaroon ng pagsasamahan at pagmamahalan, kapanatagan, at paglalaan sa pagitan ninyo. Lahat ng ito ay ginagawa sa pundasyon ng pagnanais na mapalugod ang Diyos—ang mga kaugnayang ito ay hindi pinananatili sa pamamagitan ng mga pilosopiya ng tao sa pamumuhay, likas na nabubuo ang mga ito kapag nagdadala ang isang tao ng pasanin para sa Diyos. Hindi kinakailangan ng mga ito na gumawa ka ng anumang pagsisikap na gawa ng tao, kailangan mo lamang magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Handa ka bang isaalang-alang ang kalooban ng Diyos? Handa ka bang maging isang taong “walang katwiran” sa harap ng Diyos? Handa ka bang ibigay nang lubusan sa Diyos ang puso mo at balewalain ang iyong katayuan sa ibang mga tao? Sa lahat ng taong nakakasalamuha mo, kanino ka may pinakamagagandang kaugnayan? Kanino ka may pinakamasasamang kaugnayan? Normal ba ang mga kaugnayan mo sa mga tao? Tinatrato mo ba nang pantay-pantay ang lahat ng tao? Pinananatili mo ba ang iyong mga kaugnayan sa iba ayon sa iyong pilosopiya sa pamumuhay, o nakatatag ba ang mga ito sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos? Kapag hindi ibinibigay ng mga tao sa Diyos ang kanilang puso, ang kanilang espiritu ay nagiging matamlay, manhid at walang malay. Hindi kailanman mauunawaan ng ganitong mga tao ang mga salita ng Diyos, hindi sila kailanman magkakaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos, at hindi sila kailanman magkakaroon ng pagbabago sa kanilang disposisyon. Ang pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay ang proseso ng lubusang pagbibigay ng isang tao ng kanyang puso sa Diyos, at ng pagtanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw mula sa mga salita ng Diyos. Pinahihintulutan ng gawain ng Diyos ang mga tao na aktibong makapasok, at binibigyan-daan sila nitong maalis nila ang kanilang mga negatibong bahagi pagkatapos malaman ang mga ito. Kapag naibigay mo na sa Diyos ang puso mo, magagawa mong madama ang bawat beses na medyo naaantig ang iyong espiritu, at malaman ang bawat bahagi ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos. Kung magsusumikap ka, unti-unti kang papasok sa landas ng pagpeperpekto ng Banal na Espiritu. Habang mas tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, mas magiging sensitibo at maselan ang iyong espiritu, mas magagawa nitong madama kung paano ito inaantig ng Banal na Espiritu, at mas magiging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos. Ang mga normal na interpersonal na kaugnayan ay itinatatag sa pundasyon ng pagbaling ng isang tao ng kanyang puso sa Diyos, hindi sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao. Kung wala ang Diyos sa puso ng isang tao, ang mga kaugnayan ng taong ito sa iba ay mga kaugnayan lamang ng laman. Hindi normal ang mga ito, mga mapagnasang pagpapalayaw ang mga ito, at kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito. Kung sasabihin mo na ang iyong espiritu ay naantig, ngunit handa ka lamang na makipagbahaginan sa mga taong gusto mo at nirerespeto mo, at may pagkiling ka laban sa mga taong hindi mo gusto at ayaw mo silang kausapin kapag lumalapit sila sa iyo para magsiyasat, lalo na itong patunay na pinaghaharian ka ng damdamin at wala kang anumang normal na kaugnayan sa Diyos. Ipinakikita nito na tinatangka mong linlangin ang Diyos at ikubli ang sarili mong kapangitan. Maaaring nakapagbabahagi ka ng ilan mong kaalaman, ngunit kung mali ang iyong mga layunin, ang lahat ng ginagawa mo ay mabuti lamang ayon sa mga pamantayan ng tao, at hindi ka pupurihin ng Diyos. Ang iyong mga kilos ay magiging tulak ng iyong laman, hindi ng pasanin ng Diyos. Angkop ka lamang gamitin ng Diyos kung kaya mong patahimikin ang puso mo sa Kanyang harapan at mayroon kang normal na mga pakikipag-ugnayan sa lahat ng nagmamahal sa Kanya. Kung kaya mong gawin iyon, paano ka man makisalamuha sa iba, hindi ka kikilos ayon sa isang pilosopiya sa pamumuhay, isasaalang-alang mo ang pasanin ng Diyos at mamumuhay ka sa Kanyang harapan. Ilan ang mga taong kagaya nito sa inyo? Talaga bang normal ang mga kaugnayan mo sa iba? Sa anong pundasyon nakatatag ang mga ito? Ilang pilosopiya sa pamumuhay ang nasa iyong kalooban? Naiwaksi mo na ba ang mga ito? Kung hindi lubos na makabaling sa Diyos ang puso mo, hindi ka sa Diyos—nagmula ka kay Satanas, sa huli ay babalik ka kay Satanas, at hindi ka karapat-dapat na maging isa sa mga tao ng Diyos. Kailangan mong maingat na suriin ang mga bagay na ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 409
Sa paniniwala sa Diyos, kahit paano ay kailangan mong lutasin ang isyu tungkol sa pagkakaroon ng isang normal na kaugnayan sa Diyos. Kung wala kang normal na kaugnayan sa Diyos, nawawalan ng kabuluhan ang iyong paniniwala sa Diyos. Ang pagtatatag ng isang normal na kaugnayan sa Diyos ay lubos na nakakamtan sa pagkakaroon ng pusong tahimik sa presensya ng Diyos. Ang pagkakaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos ay nangangahulugan ng kakayahang hindi pagdudahan o tanggihan ang anuman sa Kanyang gawain at magpasakop sa Kanyang gawain. Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng mga tamang layunin sa presensya ng Diyos, hindi paggawa ng mga plano para sa sarili mo, at pagsasaalang-alang muna sa mga interes ng pamilya ng Diyos sa lahat ng bagay; nangangahulugan ito ng pagtanggap sa pagsusuri ng Diyos at pagsunod sa mga plano ng Diyos. Kailangan mong magawang patahimikin ang iyong puso sa presensya ng Diyos sa lahat ng iyong ginagawa. Kahit hindi mo nauunawaan ang kalooban ng Diyos, kailangan mo pa ring tuparin ang iyong mga tungkulin at responsibilidad sa abot ng iyong makakaya. Kapag nabunyag na sa iyo ang kalooban ng Diyos, kumilos ayon dito, at hindi na magiging huli ang lahat. Kapag naging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, magkakaroon ka rin ng normal na mga kaugnayan sa mga tao. Para magkaroon ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, dapat maitatag ang lahat sa pundasyon ng mga salita ng Diyos, dapat magampanan mo ang iyong tungkulin alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa kung ano ang hinihingi ng Diyos, dapat mong ituwid ang mga pananaw mo, at dapat mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Dapat mong isagawa ang katotohanan kapag nauunawaan mo ito, at kahit ano pang mangyari sa iyo, dapat kang manalangin sa Diyos at maghanap nang may pusong masunurin sa Diyos. Sa pagsasagawa nang ganito, mapapanatili mo ang isang normal na kaugnayan sa Diyos. Kasabay ng pagganap mo nang maayos sa iyong tungkulin, dapat mo ring tiyakin na wala kang ginagawang anumang bagay na hindi kapaki-pakinabang sa pagpasok sa buhay ng mga hinirang ng Diyos, at wala kang sinasabi na hindi makakatulong sa mga kapatid. Kahit papaano man lang, dapat wala kang gawin na labag sa iyong konsensya at hinding-hindi ka dapat gumawa ng anumang bagay na nakakahiya. Hinding-hindi mo dapat gawin, lalong-lalo na, iyong pagrerebelde o paglaban sa Diyos, at hindi mo dapat gawin ang anumang bagay na nakakaabala sa gawain o buhay ng iglesia. Maging makatarungan at marangal sa lahat ng bagay na ginagawa mo at tiyakin na bawat kilos mo ay kaaya-aya sa harap ng Diyos. Bagama’t maaaring mahina ang laman kung minsan, kailangan mong magawang unahin ang mga interes ng pamilya ng Diyos, nang walang pag-iimbot para sa sarili mong kapakinabangan, nang walang ginagawang anumang bagay na makasarili o kasuklam-suklam, na madalas na pinagninilayan ang sarili. Sa ganitong paraan, magagawa mong madalas na mamuhay sa harap ng Diyos, at ang kaugnayan mo sa Diyos ay magiging normal na normal.
Sa lahat ng ginagawa mo, kailangan mong siyasatin kung ang iyong mga layunin ay tama. Kung nagagawa mong kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal. Ito ang pinakamababang pamantayan. Usisain mo ang iyong mga layunin, at kung malaman mo na nagkaroon ng mga maling layunin, talikuran mo ang mga ito at kumilos ka ayon sa mga salita ng Diyos; sa gayon ay magiging isa kang taong matuwid sa harap ng Diyos, na nagpapakita naman na ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, at na lahat ng iyong ginagawa ay para sa kapakanan ng Diyos, hindi para sa iyong sariling kapakanan. Sa lahat ng iyong ginagawa at lahat ng iyong sinasabi, itama ang iyong puso at maging matuwid sa iyong mga kilos, at huwag patangay sa iyong mga damdamin, ni huwag kumilos ayon sa sarili mong kalooban. Ito ang mga prinsipyong kailangang sundin ng mga sumasampalataya sa Diyos sa kanilang pag-uugali. Ang maliliit na bagay ay maaaring ibunyag ang mga layunin at tayog ng isang tao, kaya nga, para makapasok ang isang tao sa landas ng pagpeperpekto ng Diyos, kailangan muna nilang ituwid ang kanilang mga layunin at ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Kapag ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, saka ka lamang Niya magagawang perpekto; saka lamang makakamtan ng pakikitungo, pagpupungos, pagdidisiplina, at pagpipino ng Diyos ang epektong nilayon ng mga ito sa iyo. Ibig sabihin, kung nagagawa ng mga tao na laging isapuso ang Diyos at hindi maghangad ng personal na pakinabang o isipin ang sarili nilang mga personal na inaasam (sa makamundong kahulugan), kundi sa halip ay dinadala nila ang pasanin ng pagpasok sa buhay, ginagawa nila ang lahat upang patuloy na hangarin ang katotohanan, at nagpapasakop sila sa gawain ng Diyos—kung magagawa mo ito, ang mga layunin na patuloy mong pinagsisikapan ay magiging tama, at ang iyong kaugnayan sa Diyos ay magiging normal. Ang pagtatama sa kaugnayan ng isang tao sa Diyos ay maaaring tawaging unang hakbang sa pagpasok sa espirituwal na paglalakbay. Bagama’t ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos at itinatakda ng Diyos, at hindi mababago ng tao, maaari ka mang gawing perpekto ng Diyos o maangkin Niya ay nakasalalay sa kung normal ang iyong kaugnayan sa Diyos. Maaaring may mga bahagi kang mahina at masuwayin—ngunit basta’t tama ang iyong mga pananaw at iyong mga layunin, at basta’t tama at normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, karapat-dapat kang gawing perpekto ng Diyos. Kung hindi tama ang kaugnayan mo sa Diyos, at kumikilos ka para sa kapakanan ng laman o ng iyong pamilya, gaano ka man magsikap sa trabaho, mawawalan iyon ng saysay. Kung ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, lahat ng iba pa ay malalagay sa lugar. Wala nang ibang tinitingnan ang Diyos, kundi kung tama ang iyong mga pananaw sa iyong paniniwala sa Diyos: sino ang iyong pinaniniwalaan, para kaninong kapakanan ka naniniwala, at bakit ka naniniwala. Kung nagagawa mong makita nang malinaw ang mga bagay na ito at isinasagawa mo nang nasa tama ang iyong mga pananaw, susulong ka sa buhay mo, at garantisado ka ring makakapasok sa tamang landas. Kung hindi normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, at lihis ang mga pananaw sa iyong paniniwala sa Diyos, walang-saysay ang lahat ng iba pa, at gaano katatag ka man naniniwala, wala kang mapapala. Matapos maging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, saka ka lamang magtatamo ng papuri mula sa Kanya kapag ikaw ay tumatalikod sa laman, nagdarasal, nagdurusa, nagtitiis, nagpapasakop, tumutulong sa iyong mga kapatid, gumugugol ng sarili mo nang higit pa para sa Diyos, at iba pa. May halaga at kabuluhan man ang ginagawa mo ay nakasalalay sa kung ang iyong mga layunin ay tama at kung ang iyong mga pananaw ay tama. Sa panahong ito, maraming taong naniniwala sa Diyos na para bang ikinikiling nila ang kanilang ulo para tumingin sa isang relo—ang kanilang mga pananaw ay baliko, at kailangang itama ang mga ito sa isang pambihirang tagumpay. Kung malutas ang problemang ito, magiging maayos ang lahat; kung hindi, lahat ay mawawalan ng saysay. Maayos ang kilos ng ilang tao sa Aking presensya, ngunit pagtalikod Ko, wala silang ibang ginagawa kundi labanan Ako. Ito ay isang pagpapamalas ng kabuktutan at panlilinlang, at ang ganitong uri ng tao ay isang lingkod ni Satanas; sila ang tipikal na sagisag ni Satanas, na dumating upang subukin ang Diyos. Ikaw ang angkop na tao kung nagagawa mo lamang na magpasakop sa Aking gawain at sa Aking mga salita. Basta’t nagagawa mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos; basta’t lahat ng ginagawa mo ay kaaya-aya sa harap ng Diyos at kumikilos ka nang makatarungan at marangal sa lahat ng iyong ginagawa; basta’t hindi ka gumagawa ng kahiya-hiyang mga bagay, o ng mga bagay na makapipinsala sa buhay ng iba; at basta’t nabubuhay ka sa liwanag at hindi mo tinutulutang pagsamantalahan ka ni Satanas, nasa wastong kaayusan ang iyong kaugnayan sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 410
Sa paniniwala sa Diyos, kailangan mong ilagay sa wastong kaayusan ang iyong mga layunin at pananaw; kailangan kang magkaroon ng tamang pagkaunawa at tamang pagtrato sa mga salita ng Diyos at sa gawain ng Diyos, sa lahat ng sitwasyong isinasaayos ng Diyos, sa taong pinatototohanan ng Diyos, at sa praktikal na Diyos. Hindi ka dapat magsagawa ayon sa sarili mong mga ideya o magplano ng sarili mong mga hamak na pakana. Anuman ang gawin mo, kailangan mong magawang hangarin ang katotohanan at, sa iyong posisyon bilang isang nilikha, magpasakop sa buong gawain ng Diyos. Kung gusto mong patuloy na sikapin na magawang perpekto ng Diyos at makapasok sa tamang landas ng buhay, kailangang mabuhay palagi ang puso mo sa presensya ng Diyos. Huwag magpakasama, huwag sundan si Satanas, huwag bigyan si Satanas ng anumang mga pagkakataong isagawa ang gawain nito, at huwag hayaang kasangkapanin ka ni Satanas. Kailangan mong ibigay nang lubusan ang sarili mo sa Diyos at hayaang pamahalaan ka ng Diyos.
Handa ka bang maging lingkod ni Satanas? Handa ka bang pagsamantalahan ni Satanas? Naniniwala ka ba sa Diyos at patuloy mo ba Siyang sinusundan upang magawa ka Niyang perpekto, o upang ikaw ay maging isang panghambing para sa gawain ng Diyos? Mas gugustuhin mo ba ang isang makabuluhang buhay kung saan inaangkin ka ng Diyos, o ang isang walang-kuwenta at hungkag na buhay? Mas gusto mo bang kasangkapanin ka ng Diyos, o pagsamantalahan ni Satanas? Mas gusto mo bang hayaang mapuspos ka ng mga salita at katotohanan ng Diyos, o hayaang puspusin ka ng kasalanan at ni Satanas? Isiping mabuti ang mga bagay na ito. Sa iyong pang-araw-araw na buhay, kailangan mong maunawaan kung alin ang mga salitang sasabihin mo at ang mga bagay na maaaring magsanhi ng abnormalidad sa iyong kaugnayan sa Diyos, at pagkatapos ay ituwid ang iyong sarili at pumasok sa tamang paraan. Sa lahat ng pagkakataon, suriin ang iyong mga salita, ang iyong mga kilos, ang iyong bawat hakbang, at lahat ng iyong saloobin at ideya. Magtamo ng wastong pagkaunawa tungkol sa iyong tunay na kalagayan at pumasok sa landas ng gawain ng Banal na Espiritu. Ito lamang ang paraan para magkaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos. Sa pagsusuri kung normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, magagawa mong itama ang iyong mga layunin, maunawaan ang kalikasan at diwa ng tao, at tunay na maunawaan ang iyong sarili, at, sa paggawa nito, magagawa mong makapasok sa mga tunay na karanasan, talikdan ang iyong sarili sa isang tunay na paraan, at sadyaing magpasakop. Habang dinaranas mo ang mga bagay na ito tungkol sa kung ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal o hindi, makakahanap ka ng mga pagkakataong magawang perpekto ng Diyos at magagawa mong maunawaan ang maraming kalagayan ng Banal na Espiritu. Magagawa mo ring makita ang marami sa mga panloloko ni Satanas at matalos ang mga pakikipagsabwatan nito. Ang landas na ito lamang ang humahantong sa pagpeperpekto ng Diyos. Itama mo ang iyong kaugnayan sa Diyos, upang makapagpasakop ka nang lubusan sa Kanyang mga plano, at makapasok ka nang mas malalim sa tunay na karanasan at makatanggap ng mas marami pang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag isinagawa mo ang pagkakaroon ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, kadalasan, magtatagumpay ka sa pamamagitan ng pagtalikod sa laman at tunay na pakikipagtulungan sa Diyos. Dapat mong maunawaan na “kung wala ang pusong nakikipagtulungan, mahirap tanggapin ang gawain ng Diyos; kung hindi nagdurusa ang laman, walang mga pagpapala mula sa Diyos; kung hindi nagpupunyagi ang espiritu, hindi mapapahiya si Satanas.” Kung isinasagawa mo ang mga prinsipyong ito at lubos mong nauunawaan ang mga ito, maitatama ang mga pananaw ng iyong paniniwala sa Diyos. Sa inyong kasalukuyang pagsasagawa, kailangan ninyong alisin sa inyong isipan ang pananaw na “lahat ay ginagawa ng Banal na Espiritu at hindi nagagawang makialam ng mga tao.” Iniisip ng lahat ng nagsasabi nito, “Magagawa ng mga tao ang anumang nais nila, at pagdating ng panahon, gagawin ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain. Hindi na kailangang pigilan ng mga tao ang laman o makipagtulungan; ang mahalaga ay maantig sila ng Banal na Espiritu.” Ang mga opinyong ito ay kakatwang lahat. Sa ilalim ng gayong sitwasyon, hindi nakakagawa ang Banal na Espiritu. Ito ang uri ng pananaw na lubos na nakakahadlang sa gawain ng Banal na Espiritu. Kadalasan, ang gawain ng Banal na Espiritu ay natatamo sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga tao. Yaong mga hindi nakikipagtulungan at walang matibay na pagpapasiya, subalit nais magtamo ng pagbabago sa kanilang disposisyon at tumanggap ng gawain ng Banal na Espiritu at ng kaliwanagan at pagpapalinaw mula sa Diyos, ay talagang maluho ang mga saloobin. Ito ay tinatawag na “pagpapaluho sa sarili at pagpapatawad kay Satanas.” Ang gayong mga tao ay walang normal na kaugnayan sa Diyos. Dapat kang makakita ng maraming pagbubunyag at pagpapakita ng napakasamang disposisyon sa iyong kalooban at makakita ng anumang mga pagsasagawa mo na salungat sa mga kinakailangan ng Diyos ngayon. Magagawa mo na bang talikdan si Satanas ngayon? Dapat kang magtamo ng normal na kaugnayan sa Diyos, kumilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at maging isang bagong tao na may bagong buhay. Huwag mong palaging isipin ang mga dating paglabag; huwag kang masyadong malungkot; manindigan at makipagtulungan sa Diyos, at tuparin ang mga tungkuling dapat mong gampanan. Sa ganitong paraan, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay magiging normal.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 411
Kung sinasabi mo lamang, matapos basahin ito, na tinatanggap mo ang mga salitang ito, subalit hindi pa rin naaantig ang iyong puso, at hindi ka naghahangad na gawing normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, pinatutunayan nito na hindi mo pinahahalagahan ang iyong kaugnayan sa Diyos. Pinatutunayan nito na ang iyong mga pananaw ay hindi pa naitatama, na ang iyong mga layunin ay hindi pa nakatalagang makamit ng Diyos at dulutan Siya ng kaluwalhatian, kundi sa halip ay nakatalagang tulutang manaig ang mga pakikipagsabwatan ni Satanas at makamit ang sarili mong mga layunin. Ang gayong mga tao ay nagkikimkim ng mga maling layunin at pananaw. Anuman ang sinasabi ng Diyos o kung paano man Niya ito sinasabi, nananatiling lubos na walang interes at ni hindi nagbabago ang gayong mga tao. Hindi nakadarama ng anumang takot ang kanilang puso at hindi sila nahihiya. Ang ganitong uri ng tao ay isang walang-kaluluwang mangmang. Basahin ang bawat pahayag ng Diyos at isagawa ang mga ito sa sandaling maunawaan mo ang mga ito. Marahil ay may mga pagkakataon na mahina ang iyong laman, o naging suwail ka, o lumaban ka; paano ka man kumilos noong araw, maliit na bagay lamang iyan, at hindi nito mahahadlangan ang paglago ng iyong buhay ngayon. Basta’t maaari kang magkaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos ngayon, may pag-asa. Kung may pagbabago sa iyo tuwing babasahin mo ang mga salita ng Diyos, at masasabi ng iba na naging mas mabuti na ang iyong buhay, ipinakikita nito na normal na ang iyong kaugnayan sa Diyos, na naitama na ito. Hindi tinatrato ng Diyos ang mga tao ayon sa kanilang mga paglabag. Kapag nakaunawa ka na at nagkaroon ng kamalayan, basta’t makakatigil ka sa pagsuway o paglaban, mahahabag pa rin ang Diyos sa iyo. Kung taglay mo ang pagkaunawa at matibay na pagpapasiya na patuloy na hangaring magawang perpekto ng Diyos, magiging normal ang iyong kalagayan sa presensya ng Diyos. Anuman ang iyong ginagawa, isaalang-alang ang mga sumusunod habang ginagawa mo ito: Ano ang iisipin ng Diyos kapag ginawa ko ito? Makikinabang ba rito ang aking mga kapatid? Magiging kapaki-pakinabang ba ito sa gawain ng tahanan ng Diyos? Sa pagdarasal man, sa pagbabahagi, sa pananalita, sa gawain, o sa pakikisalamuha sa iba, suriin ang iyong mga layunin, at tingnan kung normal ang iyong kaugnayan sa Diyos. Kung hindi mo mahiwatigan ang sarili mong mga layunin at saloobin, ibig sabihin ay wala kang pagtatangi, na nagpapatunay na kakaunting katotohanan lamang ang iyong nauunawaan. Kung nagagawa mong maunawaan nang malinaw ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at nahihiwatigan mo ang mga bagay-bagay alinsunod sa Kanyang mga salita, pumapanig sa Kanya, magiging tama na ang iyong mga pananaw. Samakatuwid, ang pagtatatag ng mabuting kaugnayan sa Diyos ang pinakamahalaga sa sinumang naniniwala sa Diyos; dapat itong tratuhin ng lahat bilang isang gawaing napakahalaga at napakalaking kaganapan sa kanilang buhay. Lahat ng iyong ginagawa ay nasusukat sa kung ikaw ay may normal na kaugnayan sa Diyos. Kung normal ang iyong kaugnayan sa Diyos at tama ang iyong mga layunin, kumilos. Para mapanatili ang normal na kaugnayan sa Diyos, huwag kang matakot na makaranas ng mga kawalan sa iyong mga personal na interes; hindi mo maaaring tulutang manaig si Satanas, hindi mo maaaring tulutan si Satanas na maangkin ka, at hindi mo maaaring tulutan si Satanas na gawin kang katawa-tawa. Ang pagkakaroon ng gayong mga layunin ay isang tanda na ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal—hindi para sa kapakanan ng laman, kundi para sa kapayapaan ng espiritu, ito ay para matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, at para mapalugod ang kalooban ng Diyos. Para makapasok sa tamang kalagayan, kailangan mong magtatag ng mabuting kaugnayan sa Diyos at itama ang iyong mga pananaw tungkol sa iyong paniniwala sa Diyos. Ito ay upang maangkin ka ng Diyos, at upang maipakita Niya ang mga bunga ng Kanyang mga salita sa iyo at liwanagan at pagliwanagin ka pa. Sa ganitong paraan, makakapasok ka na sa tamang paraan. Patuloy na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa ngayon, pumasok sa kasalukuyang paraan ng paggawa ng Banal na Espiritu, kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos sa ngayon, huwag sundin ang makalumang mga pamamaraan ng pagsasagawa, huwag kumapit sa dating mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at pumasok sa kasalukuyang paraan ng paggawa sa lalong madaling panahon. Sa gayon, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay magiging ganap na normal at makakapasok ka na sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 412
Kapag lalong tinatanggap ng mga tao ang mga salita ng Diyos, lalo silang naliliwanagan, at lalo silang nagugutom at nauuhaw sa pagsisikap na makilala nila ang Diyos. Tanging ang mga yaong tumatanggap sa mga salita ng Diyos ang may kakayahang magkaroon ng mas mayaman at mas malalim na mga karanasan, at sila lamang yaong ang mga buhay ay maaaring patuloy na lumago na tulad ng mga bulaklak ng linga. Lahat ng naghahangad ng buhay ay dapat itong ituring bilang kanilang full-time na trabaho; dapat nilang maramdaman na “kung walang Diyos, hindi ako mabubuhay; kung walang Diyos, wala akong magagawa; kung walang Diyos, lahat ng bagay ay hungkag.” Kaya, dapat din silang magdesisyon na “kung wala ang presensya ng Banal na Espiritu, wala akong gagawin, at kung walang epekto ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, wala akong interes na gawin ang anumang bagay.” Huwag kayong magpakasasa sa inyong mga sarili. Ang mga karanasan sa buhay ay nagmumula sa kaliwanagan at paggabay ng Diyos, at ang mga ito ang nagpapalinaw sa inyong mga pansariling pagsusumikap. Ang dapat ninyong hingiin sa inyong sarili ay ito: “Pagdating sa karanasan sa buhay, hindi ako dapat maging maluwag sa sarili ko.”
Kung minsan, kapag nasa abnormal na mga kondisyon, nawawala sa iyo ang presensya ng Diyos, at hindi mo nadarama ang Diyos kapag nagdarasal ka. Normal ang matakot sa gayong mga pagkakataon. Dapat ay agad-agad kang magsimulang maghanap. Kung hindi, hihiwalay sa iyo ang Diyos, at mawawala sa iyo ang presensya ng Banal na Espiritu—at, higit pa riyan, ang gawain ng Banal na Espiritu—sa loob ng isang araw, dalawang araw, maging isang buwan o dalawang buwan. Sa mga sitwasyong ito, nagiging napakamanhid mo at muli kang nabibihag ni Satanas, hanggang sa makaya mo nang gawin ang kung anu-ano. Nag-iimbot ka ng kayamanan, nililinlang mo ang iyong mga kapatid, nanonood ka ng mga pelikula at video, naglalaro ka ng madyong, at naninigarilyo at umiinom ka pa ng alak nang walang disiplina. Napalayo na ang iyong puso sa Diyos, lihim kang tumahak sa iyong sariling daan, at walang-habas mong hinusgahan ang gawain ng Diyos. Sa ilang pagkakataon, nagpapakababa ang mga tao kaya wala silang nadaramang hiya o kahihiyan sa paggawa ng mga kasalanang sekswal. Ang ganitong uri ng tao ay itinakwil na ng Banal na Espiritu; sa katunayan, matagal nang wala ang gawain ng Banal na Espiritu sa gayong tao. Nakikita lamang sila na lalong nagiging tiwali habang lalo pa silang nagiging masama. Sa huli, ikinakaila nila na nabubuhay sila sa ganitong paraan, at nabibihag sila ni Satanas habang sila ay nagkakasala. Kapag natuklasan mo na mayroon ka lamang presensya ng Banal na Espiritu, subalit wala sa iyo ang gawain ng Banal na Espiritu, mapanganib nang pumasok sa sitwasyong ito. Kung hindi mo man lang madama ang presensya ng Banal na Espiritu, nasa bingit ka na ng kamatayan. Kung hindi ka magsisisi, lubusan ka nang nakabalik kay Satanas, at mapapabilang ka sa mga inaalis. Kaya, kapag natuklasan mo na ikaw ay nasa isang kalagayan kung saan mayroon lamang presensya ng Banal na Espiritu (hindi ka nagkakasala, pinipigilan mo ang iyong sarili, at wala kang ginagawang lantarang paglaban sa Diyos) ngunit wala sa iyo ang gawain ng Banal na Espiritu (hindi ka naaantig kapag nagdarasal ka, wala kang natatamong malinaw na kaliwanagan o pagpapalinaw kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, wala kang interes sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, kailanma’y walang anumang paglago sa buhay mo, at matagal ka nang nawalan ng matinding pagpapalinaw)—sa gayong mga pagkakataon, kailangan mong maging mas maingat. Hindi ka dapat magpakasasa sa iyong sarili, hindi ka na dapat maging maluwag sa iyong sariling pag-uugali. Maaaring maglaho ang presensya ng Banal na Espiritu anumang oras. Ito ang dahilan kaya lubhang mapanganib ang gayong sitwasyon. Kung masusumpungan mo ang iyong sarili sa ganitong uri ng kalagayan, subukang baligtarin ang sitwasyon sa lalong madaling panahon. Una, dapat kang magdasal ng isang panalangin ng pagsisisi at hilingin mo na minsan ka pang kaawaan ng Diyos. Manalangin nang mas taimtim at payapain ang iyong puso upang higit na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Sa pundasyong ito, dapat kang gumugol ng mas maraming oras sa pananalangin; pag-ibayuhin pa ang iyong mga pagsisikap sa pag-awit, pagdarasal, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at pagganap sa iyong tungkulin. Kapag hinang-hina ka na, napakadaling maangkin ni Satanas ang puso mo. Kapag nangyari iyon, naaagaw ang puso mo mula sa Diyos at bumabalik kay Satanas, kung saan wala sa iyo ang presensya ng Banal na Espiritu. Sa gayong mga pagkakataon, doble ang hirap na matamong muli ang gawain ng Banal na Espiritu. Mas mainam na hangarin ang gawain ng Banal na Espiritu habang kapiling mo pa Siya, na magpapahintulot sa Diyos na ipagkaloob ang higit pa Niyang kaliwanagan sa iyo at hindi ka Niya pabayaan. Ang pagdarasal, pag-awit ng mga himno, paglilingkod sa iyong tungkulin, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos—lahat ng ito ay ginagawa upang mawalan ng pagkakataon si Satanas na gawin ang gawain nito, upang makagawa ang Banal na Espiritu sa iyong kalooban. Kung hindi mo matatamong muli ang gawain ng Banal na Espiritu sa ganitong paraan, kung maghihintay ka lamang, ang pagtatamong muli ng gawain ng Banal na Espiritu ay hindi magiging madali kapag naiwala mo na ang presensya ng Banal na Espiritu, maliban kung partikular kang naantig ng Banal na Espiritu, o lalo kang pinagliwanag at niliwanagan. Magkagayunman, hindi lamang inaabot ng isa o dalawang araw para makabawi sa iyong kalagayan; kung minsan maaaring lumipas ang anim na buwan nang hindi ka nakakabawi. Lahat ng ito ay dahil masyadong maluwag ang mga tao sa kanilang sarili, walang kakayahang maranasan ang mga bagay sa isang normal na paraan at sa gayon ay pinababayaan sila ng Banal na Espiritu. Kahit muli mo ngang matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, maaaring hindi pa rin lubhang malinaw sa iyo ang kasalukuyang gawain ng Diyos, sapagkat napag-iwanan ka na sa iyong karanasan sa buhay, na tila ba naiwan ka nang sampung libong milya. Hindi ba ito isang teribleng bagay? Gayunman, sinasabi ko sa gayong mga tao na hindi pa huli ang lahat para magsisi ngayon, subalit may isang kondisyon: Dapat kang mas magpakasipag pa, at hindi magpakasasa sa katamaran. Kung nagdarasal ang ibang mga tao nang limang beses sa isang araw, dapat kang magdasal nang sampung beses; kung kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ang ibang mga tao sa loob ng dalawang oras sa isang araw, dapat mong gawin iyon sa loob ng apat o anim na oras; at kung nakikinig ang ibang mga tao sa mga himno sa loob ng dalawang oras, dapat kang makinig sa loob ng kalahating araw man lang. Madalas na pumayapa sa harap ng Diyos at isipin ang pag-ibig ng Diyos, hanggang sa ikaw ay maantig, bumalik ang iyong puso sa Diyos, at hindi ka na mangahas na mapalayo sa Diyos—saka lamang magkakaroon ng bunga ang iyong pagsasagawa; saka mo lamang mababawi ang iyong dati at normal na kalagayan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Pumasok sa Normal na Kalagayan
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 413
Napakaliit na bahagi pa lamang ng landas ng isang mananampalataya sa Diyos ang nalakad ninyo, at hindi pa kayo nakakapasok sa tamang landas, kaya malayo pa rin kayo sa pagtugon sa pamantayan ng Diyos. Sa ngayon, ang inyong tayog ay hindi sapat upang matugunan ang Kanyang mga hinihingi. Dahil sa inyong kakayahan at tiwaling kalikasan, palagi kayong padalus-dalos sa pagtrato sa gawain ng Diyos; hindi ninyo ito sineseryoso. Ito ang pinakamalaking pagkukulang ninyo. Siguradong walang sinumang makatitiyak sa landas na tinatahak ng Banal na Espiritu; hindi ito nauunawaan ng karamihan sa inyo at hindi ninyo ito nakikita nang malinaw. Bukod pa rito, hindi iniisip ng karamihan sa inyo ang bagay na ito, lalong hindi ninyo ito sineseryoso. Kung patuloy ninyong gagawin ito, ang mabuhay nang walang alam tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu, ang landas na inyong tinatahak bilang isang mananampalataya sa Diyos ay mawawalan ng saysay. Ito ay dahil hindi ninyo ginagawa ang lahat ng kaya ninyo upang hangaring matugunan ang kalooban ng Diyos at dahil hindi kayo nakikipagtulungan nang husto sa Diyos. Hindi ito dahil sa hindi ka pa nagawaan ng Diyos, o hindi ka pa naantig ng Banal na Espiritu. Ito ay dahil masyado kang walang ingat kaya hindi mo sineseryoso ang gawain ng Banal na Espiritu. Dapat mong baligtarin kaagad ang sitwasyong ito at tahakin ang landas kung saan inaakay ng Banal na Espiritu ang mga tao. Ito ang pangunahing paksa para ngayon. “Ang landas kung saan inaakay ng Banal na Espiritu” ay tumutukoy sa pagtatamo ng kaliwanagan sa espiritu; pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa salita ng Diyos; pagtatamo ng kalinawan sa landas na hinaharap; pagkakaroon ng kakayahang makapasok nang paisa-isang hakbang sa katotohanan; at pagkakaroon ng higit na kaalaman tungkol sa Diyos. Ang landas kung saan inaakay ng Banal na Espiritu ang mga tao una sa lahat ay isang landas na patungo sa mas malinaw na pagkaunawa sa salita ng Diyos, nang malaya sa mga paglihis at maling pagkaintindi, at yaong mga tumatahak dito ay tumatahak nang tuwid dito. Upang maisagawa ito kailangan ninyong gumawa nang kasundo ang Diyos, maghanap ng isang tamang landas sa pagsasagawa, at tahakin ang landas kung saan umaakay ang Banal na Espiritu. Kailangan dito ang pakikipagtulungan sa panig ng tao: ibig sabihin, kung ano ang kailangan ninyong gawin upang matugunan ang mga kinakailangan ng Diyos sa inyo, at kung paano kayo kailangang kumilos upang makapasok sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos.
Maaaring tila kumplikado ang pagtahak sa landas kung saan umaakay ang Banal na Espiritu, ngunit mas madadalian ka rito kapag ang landas ng pagsasagawa ay malinaw sa iyo. Ang katotohanan ay na may kakayahan ang mga tao na gawing lahat ang hinihiling ng Diyos sa kanila—hindi naman Niya sinusubukang turuang lumipad ang mga baboy. Sa lahat ng sitwasyon, hangad ng Diyos na lutasin ang mga problema ng mga tao at ayusin ang kanilang mga alalahanin. Kailangang maunawaan ninyong lahat ito; huwag magkamali ng pag-unawa sa Diyos. Ginagabayan ang mga tao ayon sa salita ng Diyos sa landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Gaya ng binanggit noong una, kailangan ninyong ibigay ang inyong puso sa Diyos. Kailangan ito para makatahak sa landas kung saan umaakay ang Banal na Espiritu. Kailangan ninyong gawin ito upang makapasok sa tamang landas. Paano sadyang ginagawa ng isang tao ang gawaing ibigay ang kanilang puso sa Diyos? Sa inyong pang-araw-araw na buhay, kapag nararanasan ninyo ang gawain ng Diyos at nananalangin kayo sa Kanya, ginagawa ninyo ito nang padalus-dalos—nananalangin kayo sa Diyos habang kayo ay gumagawa. Matatawag ba itong pagbibigay ng inyong puso sa Diyos? Nag-iisip kayo tungkol sa mga bagay sa bahay o usapin ng laman; palagi kayong nagdadalawang-isip. Maituturing ba itong pagpayapa sa inyong puso sa presensya ng Diyos? Ito ay dahil ang puso mo ay palaging nakatutok sa panlabas na mga usapin, at hindi ka nakakabalik sa harap ng Diyos. Kung nais mong tunay na maging payapa ang puso mo sa harap ng Diyos, kailangan mong gawin ang gawain ng sadyang pakikipagtulungan. Ibig sabihin, bawat isa sa inyo ay dapat gumugol ng panahon para sa inyong mga debosyon, isang panahon na maisasantabi ninyo ang mga tao, pangyayari, at bagay; panatagin ang inyong puso at patahimikin ang sarili ninyo sa harap ng Diyos. Lahat ay kailangang magkaroon ng indibiduwal na mga tala ng debosyon, na itinatala ang kanilang kaalaman tungkol sa salita ng Diyos at kung paano naaantig ang kanilang espiritu, malalim man ang mga iyon o mababaw; lahat ay kailangang sadyang payapain ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Kung makapaglalaan ka ng isa o dalawang oras bawat araw sa tunay na espirituwal na buhay, madarama mo na ang buhay mo sa araw na iyon ay pinagyaman at ang puso mo ay magiging maningning at maaliwalas. Kung ipinamumuhay mo ang ganitong uri ng espirituwal na buhay araw-araw, mas magiging pag-aaring muli ng Diyos ang puso mo, ang iyong espiritu ay lalakas nang lalakas, ang iyong kondisyon ay patuloy na bubuti, mas makakaya mong tumahak sa landas kung saan umaakay ang Banal na Espiritu, at pagkakalooban ka ng Diyos ng mas maraming pagpapala. Ang layunin ng inyong espirituwal na buhay ay upang sadyang matamo ang presensya ng Banal na Espiritu. Hindi ito upang sumunod sa mga patakaran o magsagawa ng mga ritwal na pangrelihiyon, kundi upang tunay na kumilos na kasama ng Diyos, upang tunay na displinahin ang inyong katawan—ito ang dapat gawin ng tao, kaya dapat ninyong gawin ito nang buong pagsisikap. Kapag higit na pakikipagtulungan at higit na pagsisikap ang iyong inilalaan, mas makakabalik ang puso mo sa Diyos at mas mapapatahimik mo ang puso mo sa Kanyang harapan. Darating ang panahon na lubos na matatamo ng Diyos ang puso mo. Walang sinumang makakaimpluwensya o makakabihag sa puso mo, at ganap kang maaangkin ng Diyos. Kung tatahakin mo ang landas na ito, ibubunyag ng salita ng Diyos ang sarili nito sa iyo sa lahat ng pagkakataon at liliwanagan ka tungkol sa lahat ng bagay na hindi mo nauunawaan—makakamtan ang lahat ng ito sa pamamagitan ng iyong pakikipagtulungan. Kaya nga palaging sinasabi ng Diyos, “Lahat ng kumikilos na kasama Ko, gagantimpalaan Ko nang doble.” Kailangan ninyong makita nang malinaw ang landas na ito. Kung nais ninyong tumahak sa tamang landas, kailangan ninyong gawin ang lahat ng inyong makakaya upang mapalugod ang Diyos. Kailangan ninyong gawin ang lahat ng inyong makakaya upang magtamo ng espirituwal na buhay. Sa simula, maaaring hindi mo makamtan ang magagandang resulta sa pagsisikap na ito, ngunit huwag mong tulutan ang iyong sarili na umurong o malublob sa pagkanegatibo—kailangang manatili kang masipag! Kapag mas espirituwal ang buhay mo, mas sasakupin ng mga salita ng Diyos ang puso mo, lagi kang mababahala sa mga bagay na ito, at lagi mong dadalhin ang pasaning ito. Pagkatapos niyon, ibunyag mo sa Diyos ang katotohanan sa iyong kalooban sa pamamagitan ng iyong espirituwal na buhay; sabihin sa Kanya kung ano ang handa kang gawin, kung ano ang iniisip mo, ang iyong pagkaunawa at pananaw tungkol sa Kanyang salita. Huwag kang magtago ng anuman, ni katiting! Magsanay sa pagsasabi ng mga salitang nasa puso mo at paghahayag ng totoong damdamin mo sa Diyos; kung nasa puso mo iyon, humayo ka at sabihin mo iyon. Kapag mas nagsalita ka sa ganitong paraan, mas madarama mo ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at mas mapapalapit sa Diyos ang puso mo. Kapag nangyari ito, madarama mo na mas mahal mo ang Diyos kaysa kaninuman. Lalagi ka sa tabi ng Diyos, anuman ang mangyari. Kung isasagawa mo ang ganitong klaseng espirituwal na debosyonal sa araw-araw at hindi mo ito iwawaglit sa iyong isipan, kundi ituturing itong napakahalaga sa iyong buhay, sasakupin ng salita ng Diyos ang puso mo. Ito ang kahulugan ng maantig ng Banal na Espiritu. Parang ang puso mo ay palaging angkin ng Diyos, para bang palaging nasa puso mo ang iyong minamahal. Walang sinumang makakaagaw nito mula sa iyo. Kapag nangyari ito, tunay na mananahan ang Diyos sa iyong kalooban at magkakaroon ng puwang sa puso mo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Normal na Espirituwal na Buhay ay Inaakay ang mga Tao Patungo sa Tamang Landas
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 414
Ang pananampalataya sa Diyos ay nangangailangan ng isang normal na espirituwal na buhay, na siyang pundasyon sa pagdanas ng mga salita ng Diyos at pagpasok sa realidad. Lahat ba ng inyong kasalukuyang pagsasagawa ng mga panalangin, ng paglapit sa Diyos, ng pagkanta ng mga himno, pagpuri, pagmumuni-muni, at pagninilay ng mga salita ng Diyos ay katumbas ng isang “normal na espirituwal na buhay”? Mukhang walang nakakaalam sa inyo. Ang isang normal na espirituwal na buhay ay hindi limitado sa mga pagsasagawang tulad ng pagdarasal, pagkanta ng mga himno, paglahok sa buhay-iglesia, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Sa halip, kinapapalooban ito ng pamumuhay ng bago at masiglang espirituwal na buhay. Ang mahalaga ay hindi kung paano kayo nagsasagawa, kundi kung ano ang ibinubunga ng inyong pagsasagawa. Naniniwala ang karamihan sa mga tao na ang isang normal na espirituwal na buhay ay kailangang kapalooban ng pagdarasal, pagkanta ng mga himno, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos o pagninilay sa Kanyang mga salita, mayroon mang tunay na epekto ang gayong mga pagsasagawa o kaya’y humahantong man ang mga ito sa tunay na pagkaunawa. Nakatuon ang mga taong ito sa pagsunod sa mababaw na mga pamamaraan nang hindi iniisip ang magiging resulta ng mga ito; sila ay mga taong nabubuhay sa mga ritwal ng relihiyon, hindi mga taong nabubuhay sa loob ng iglesia, at lalong hindi sila mga tao ng kaharian. Lahat ng kanilang panalangin, pagkanta ng mga himno, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay puro pagsunod sa panuntunan, na ginagawa dahil napipilitan sila at para makaagapay sa mga kalakaran, hindi dahil sa kahandaan at ni hindi mula sa puso. Gaano man manalangin o kumanta ang mga taong ito, hindi magkakaroon ng bunga ang kanilang mga pagsisikap, sapagkat ang isinasagawa nila ay mga panuntunan at ritwal lamang ng relihiyon; hindi talaga sila nagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Nagtutuon lamang sila sa pagkabahala kung paano sila nagsasagawa, at itinuturing nilang mga panuntunang susundin ang mga salita ng Diyos. Hindi isinasagawa ng gayong mga tao ang mga salita ng Diyos; pinagbibigyan lamang nila ang laman, at gumagawa sila para makita ng ibang mga tao. Lahat ng panuntunan at ritwal na ito ng relihiyon ay tao ang pinagmulan; hindi nagmumula ang mga ito sa Diyos. Ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga panuntunan, ni hindi Siya sakop ng anumang batas. Sa halip, gumagawa Siya ng mga bagong bagay araw-araw, nagsasakatuparan ng praktikal na gawain. Gaya ng mga tao sa Three-Self Church, na nililimitahan ang kanilang sarili sa mga pagsasagawa tulad ng pagdalo sa pagsamba sa umaga araw-araw, pag-aalay ng mga panalangin sa gabi at panalangin ng pasasalamat bago kumain, at pasasalamat sa lahat ng bagay—gaano man karami ang kanilang ginagawa at gaano man katagal nila iyon ginagawa, hindi mapapasakanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag nabubuhay ang mga tao sa gitna ng mga panuntunan at nakatutok ang kanilang puso sa mga pamamaraan ng pagsasagawa, hindi makakagawa ang Banal na Espiritu, dahil ang kanilang puso ay puno ng mga panuntunan at kuru-kuro ng tao. Sa gayon, hindi nagagawang mamagitan at gumawa ang Diyos sa kanila, at maaari lamang silang patuloy na mabuhay sa ilalim ng kontrol ng mga batas. Ang gayong mga tao ay walang kakayahang tumanggap ng papuri ng Diyos kailanman.
Ang normal na espirituwal na buhay ay isang buhay na ipinamuhay sa harap ng Diyos. Kapag nagdarasal, maaaring patahimikin ng isang tao ang kanyang puso sa harap ng Diyos, at sa pamamagitan ng panalangin, maaari niyang hangarin ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, malaman ang mga salita ng Diyos, at maunawaan ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita, maaaring magkaroon ang mga tao ng mas malinaw at mas lubos na pagkaunawa sa kasalukuyang gawain ng Diyos. Maaari din silang magkaroon ng bagong landas ng pagsasagawa, at hindi sila kakapit sa dati; lahat ng kanilang isinasagawa ay para magkamit ng paglago sa buhay. Tungkol naman sa panalangin, hindi ito tungkol sa pagsambit ng ilang salitang masarap pakinggan o pag-iyak sa harap ng Diyos upang ipakita kung gaano kalaki ang iyong utang na loob; sa halip, ang layunin nito ay upang sanayin ang sarili sa paggamit ng espiritu, na nagtutulot sa kanya na patahimikin ang kanyang puso sa harap ng Diyos, na sanayin ang kanyang sarili na maghangad ng patnubay mula sa mga salita ng Diyos sa lahat ng bagay, para mailapit ang puso niya sa isang sariwa at bagong liwanag bawat araw, at upang hindi siya maging walang-kibo o tamad at makatahak siya sa tamang landas ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Karamihan sa mga tao sa panahong ito ay nakatuon sa mga pamamaraan ng pagsasagawa, subalit hindi nila ginagawa iyon para patuloy na sikaping matamo ang katotohanan at magkamit ng paglago sa buhay. Dito na sila naligaw ng landas. Mayroon ding ilan na may kakayahang tumanggap ng bagong liwanag, ngunit hindi nagbabago ang kanilang mga pamamaraan ng pagsasagawa. Tangay nila ang dati nilang mga relihiyosong kuru-kuro habang umaasa silang tumanggap ng mga salita ng Diyos ngayon, kaya ang tinatanggap nila ay doktrinang may kulay pa rin ng mga relihiyosong kuru-kuro; hindi lamang liwanag ngayon ang kanilang tinatanggap. Dahil dito, may dungis ang kanilang mga pagsasagawa; dati pa ring mga pagsasagawa ang mga iyon gamit ang bagong pabalat. Gaano man kahusay ang kanilang pagsasagawa, mga mapagpaimbabaw sila. Inaakay ng Diyos ang mga tao sa paggawa ng mga bagong bagay araw-araw, na inuutos na bawat araw ay may bago silang mababatid at mauunawaan, at hinihiling na huwag silang maging makaluma at paulit-ulit. Kung naniwala ka na sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi man lang nagbago ang iyong mga pamamaraan ng pagsasagawa, at kung masigasig at abala ka pa rin tungkol sa mga bagay na panlabas, subalit wala kang tahimik na pusong maiharap sa Diyos upang matamasa ang Kanyang mga salita, wala kang mapapala. Pagdating sa pagtanggap sa bagong gawain ng Diyos, kung hindi mo iibahin ang iyong pagpaplano, hindi ka nagsasagawa sa isang bagong paraan, at hindi ka naghahangad ng anumang bagong pagkaunawa, kundi sa halip ay kumakapit ka sa dati mong pagkaunawa at tumatanggap lamang ng kaunting limitadong bagong liwanag, nang hindi binabago ang paraan ng iyong pagsasagawa, ang mga taong katulad mo ay kasama sa daloy na ito sa pangalan lamang; ang totoo, sila ay mga relihiyosong Pariseo sa labas ng daloy ng Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Hinggil sa Isang Normal na Espirituwal na Buhay
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 415
Para makapamuhay ng isang normal na espirituwal na buhay, kailangang makatanggap ng bagong liwanag ang isang tao araw-araw at maghangad ng tunay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Kailangan niyang makita nang malinaw ang katotohanan, makatagpo ng isang landas ng pagsasagawa sa lahat ng bagay, makatuklas ng mga bagong katanungan sa pamamagitan ng pagbasa sa mga salita ng Diyos araw-araw, at mapagtanto ang kanyang sariling mga kakulangan para magkaroon siya ng isang pusong nananabik at naghahangad na nagpapakilos sa kanyang buong katauhan, at para maging tahimik siya sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, na labis na natatakot na maiwanan. Ang isang taong may gayong pusong nananabik at naghahangad, na handang patuloy na makapasok, ay nasa tamang landas ng espirituwal na buhay. Yaong mga inantig ng Banal na Espiritu, na nais na maging mas mahusay, na handang maghangad na magawang perpekto ng Diyos, na nananabik na maunawaan nang mas malalim ang mga salita ng Diyos, na hindi naghahanap ng mahimala kundi sa halip ay tunay na nagsasakripisyo, na tunay na nagmamalasakit sa kalooban ng Diyos, na talagang nakakapasok upang maging mas tunay at totoo ang kanilang mga karanasan, na hindi naghahanap ng hungkag na mga salita at mga doktrina o naghahangad na madama ang mahimala, na hindi sumasamba sa sinumang kilalang personalidad—ito yaong mga nakapasok sa isang normal na espirituwal na buhay. Lahat ng ginagawa nila ay para magkamit ng higit na paglago sa buhay at mapanariwa at mapasigla ang kanilang espiritu, at lagi silang aktibong nakakapasok. Hindi nila namamalayan, nauunawaan nila ang katotohanan at nakakapasok sila sa realidad. Yaong mga may normal na espirituwal na buhay ay nakakasumpong ng paglaya at kalayaan ng espiritu bawat araw, at naisasagawa nila ang mga salita ng Diyos sa malayang paraan na nagpapalugod sa Kanya. Para sa mga taong ito, ang pagdarasal ay hindi isang pormalidad o isang pamamaraan; bawat araw, nagagawa nilang umagapay sa bagong liwanag. Halimbawa, sinasanay ng mga tao ang kanilang sarili na patahimikin ang kanilang puso sa harap ng Diyos, at ang kanilang puso ay talagang maaaring maging tahimik sa harap ng Diyos, at walang sinumang makakagambala sa kanila. Walang tao, kaganapan, o bagay na makakapigil sa kanilang normal na espirituwal na buhay. Ang gayong pagsasanay ay nilayong magkaroon ng mga resulta; hindi ito nilayong pasunurin ang mga tao sa mga panuntunan. Ang pagsasagawang ito ay hindi tungkol sa pagsunod sa mga panuntunan, kundi sa halip ay tungkol sa pagtataguyod ng paglago sa buhay ng mga tao. Kung ang tingin mo sa pagsasagawang ito ay mga panuntunan lamang na susundin, hindi magbabago ang iyong buhay kailanman. Maaari kang makisali sa pagsasagawang ito tulad ng iba, ngunit habang nagagawa nilang umagapay sa gawain ng Banal na Espiritu sa huli, inalis ka naman mula sa daloy ng Banal na Espiritu. Hindi mo ba niloloko ang sarili mo? Ang layunin ng mga salitang ito ay para tulutan ang mga tao na patahimikin ang kanilang puso sa harap ng Diyos, para ibaling ang kanilang puso sa Diyos, upang ang gawain ng Diyos sa kanila ay mawalan ng hadlang at magkaroon ng bunga. Noon lamang magiging alinsunod sa kalooban ng Diyos ang mga tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Hinggil sa Isang Normal na Espirituwal na Buhay
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 416
Hindi ninyo pinahahalagahan ang panalangin sa inyong pang-araw-araw na buhay. Kinaliligtaan ng tao ang pagdarasal. Dati-rati ay wala sa loob ang mga pagdarasal, na basta-basta na lang itong ginagawa ng tao sa harap ng Diyos. Walang taong lubos na naghandog ng kanyang puso sa harap ng Diyos at tunay na nanalangin sa Diyos. Nananalangin lamang ang tao sa Diyos kapag may dumarating na problema. Sa buong panahong ito, nakapagdasal ka na ba nang tunay sa Diyos? Nagkaroon na ba ng pagkakataong lumuha ka dahil sa sakit sa harap ng Diyos? Nagkaroon na ba ng pagkakataon na nakilala mo ang iyong sarili sa Kanyang harapan? Nakapagdasal ka na ba nang tapatan sa Diyos? Ang panalangin ay dumarating sa pamamagitan ng pagsasanay: Kung hindi ka karaniwang nagdarasal sa bahay, hindi ka posibleng makapagdasal sa iglesia, at kung hindi ka karaniwang nagdarasal sa maliliit na pagtitipon, hindi mo makakayang manalangin sa malalaking pagtitipon. Kung hindi ka karaniwang lumalapit sa Diyos o nagninilay tungkol sa mga salita ng Diyos, wala kang masasabi kapag oras na para manalangin, at kahit manalangin ka, puro salita lang iyon; hindi iyon tunay na panalangin.
Ano ang tunay na panalangin? Ito ay pagsasabi ng nasa puso mo sa Diyos, pakikipagniig sa Diyos habang inuunawa mo ang Kanyang kalooban, pakikipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, pagkadama na talagang malapit ka sa Diyos, pagkadama na Siya ay kaharap mo, at paniniwala na mayroon kang sasabihin sa Kanya. Ramdam mong puno ng liwanag ang puso mo at ramdam mo kung gaano kaibig-ibig ang Diyos. Nadarama mo na mas inspirado ka, at nasisiyahan ang iyong mga kapatid na makinig sa iyo. Madarama nila na ang mga salitang binibigkas mo ay ang mga salitang nasa kaibuturan ng kanilang puso, mga salitang nais nilang sabihin, na para bang ang iyong mga salita ang kahalili ng sa kanila. Ito ang tunay na panalangin. Matapos kang tunay na manalangin, mapapayapa at masisiyahan ang puso mo. Maaaring mag-ibayo ang lakas na mahalin ang Diyos, at madarama mo na wala nang mas mahalaga o makabuluhan sa buhay kaysa mahalin ang Diyos. Pinatutunayan ng lahat ng ito na naging mabisa ang iyong mga dalangin. Nakapagdasal ka na ba sa gayong paraan?
At ano naman ang nilalaman ng panalangin? Dapat kang manalangin nang paisa-isang hakbang, alinsunod sa tunay na kalagayan ng puso mo at sa gawain ng Banal na Espiritu; nakakaniig mo ang Diyos alinsunod sa Kanyang kalooban at sa mga hinihingi Niya sa tao. Kapag nagsimula kang manalangin, ibigay mo muna ang puso mo sa Diyos. Huwag kang magtangkang unawain ang kalooban ng Diyos—subukan mo lamang sabihin sa Diyos ang nasa puso mo. Kapag humarap ka sa Diyos, ganito ang sabihin mo: “Diyos ko, ngayong araw ko lamang napagtanto na dati akong sumusuway sa Iyo. Totoong ako ay tiwali at kasuklam-suklam. Sinasayang ko lang ang buhay ko. Mula sa araw na ito mabubuhay ako para sa Iyo. Mamumuhay ako nang makabuluhan at palulugurin ko ang Iyong kalooban. Nawa’y gumawa palagi sa akin ang Iyong Espiritu, patuloy akong liwanagan at tanglawan. Hayaan akong matibay at matunog na magpatotoo sa Iyong harapan. Hayaang makita ni Satanas sa amin ang Iyong kaluwalhatian, ang Iyong patotoo, at ang katibayan ng Iyong tagumpay.” Kapag nanalangin ka sa ganitong paraan, ganap na mapapalaya ang puso mo. Sa pagdarasal sa ganitong paraan, mas mapapalapit ang puso mo sa Diyos, at kung madalas kang makapagdarasal sa ganitong paraan, tiyak na gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Kung palagi kang tumatawag sa Diyos sa ganitong paraan, at nagpapasya ka sa Kanyang harapan, darating ang araw na magiging katanggap-tanggap ang iyong pagpapasya sa harap ng Diyos, na matatamo ng Diyos ang iyong puso at buong pagkatao, at sa bandang huli ay gagawin ka Niyang perpekto. Para sa inyo, napakahalaga ng panalangin. Kapag nanalangin ka at tinanggap mo ang gawain ng Banal na Espiritu, aantigin ng Diyos ang puso mo, at lalakas ang loob mo na mahalin ang Diyos. Kung hindi ka magdarasal nang taos sa puso mo, kung hindi mo bubuksan ang puso mo para makipagniig sa Diyos, mawawalan ng paraan ang Diyos na gumawa sa iyo. Pagkatapos mong manalangin at masabi ang nasa puso mo, kung hindi pa nasimulan ng Espiritu ng Diyos ang Kanyang gawain, at wala kang natanggap na inspirasyon, ipinapakita nito na hindi tapat ang puso mo, hindi totoo ang sinasabi mo, at hindi pa rin dalisay. Pagkatapos mong manalangin, kung nakadama ka ng kasiyahan, naging katanggap-tanggap sa Diyos ang iyong mga panalangin at gumagawa sa iyo ang Espiritu ng Diyos. Bilang isang taong naglilingkod sa harap ng Diyos, hindi maaaring hindi ka manalangin. Kung tunay mong itinuturing na makabuluhan at mahalaga ang pakikipagniig sa Diyos, maaari mo bang talikdan ang panalangin? Walang sinumang maaaring mabuhay na walang pakikipagniig sa Diyos. Kung walang panalangin, nabubuhay ka sa laman, sa pagkaalipin kay Satanas; kung walang tunay na panalangin, nabubuhay ka sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Umaasa Ako na nagagawa ninyo, mga kapatid, na tunay na manalangin sa bawat araw. Hindi ito tungkol sa pagsunod sa mga panuntunan, kundi tungkol sa pagtatamo ng tiyak na resulta. Handa ka bang isakripisyo ang kaunting tulog at kasiyahan upang bumangon nang maaga para sa mga panalangin sa umaga at masiyahan sa mga salita ng Diyos? Kung nagdarasal ka na may dalisay na puso at kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos nang gaya nito, lalo kang magiging katanggap-tanggap sa Kanya. Kung ginagawa mo ito tuwing umaga, kung araw-araw mong isinasagawa na ibigay ang puso mo sa Diyos, makipagniig at makipag-usap sa Kanya, siguradong madaragdagan ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos, at mas mauunawaan mo ang kalooban ng Diyos. Sinasabi mo: “Diyos ko! Handa akong gampanan ang aking tungkulin. Sa Iyo ko lamang kayang ilaan ang aking buong pagkatao, upang Ikaw ay magtamo ng kaluwalhatian sa amin, upang matamasa Mo ang patotoong ibinabahagi ng grupo naming ito. Isinasamo ko na gumawa Ka sa amin, upang magawa kong tunay Kang mahalin at palugurin Ka at hangarin Ka bilang aking layunin.” Habang tinatanggap mo ang pasaning ito, tiyak na gagawin kang perpekto ng Diyos. Hindi ka dapat manalangin para lamang sa iyong sariling kapakanan, kundi dapat ka ring manalangin para masunod ang kalooban ng Diyos at para mahalin Siya. Ito ang pinakatunay na uri ng panalangin. Nagdarasal ka ba para masunod ang kalooban ng Diyos?
Noong araw, hindi ninyo alam kung paano manalangin, at kinaligtaan ninyo ang pagdarasal. Ngayon, kailangan ninyong gawin ang inyong makakaya para sanayin ang sarili ninyo na manalangin. Kung hindi mo kayang magkaroon ng lakas ng loob na mahalin ang Diyos, paano ka nagdarasal? Sinasabi mo: “Diyos ko, walang kakayahan ang puso ko na tunay Kang mahalin. Nais kong mahalin Ka, ngunit wala akong lakas. Ano ang dapat kong gawin? Nawa’y buksan Mo ang aking espirituwal na mga mata at nawa’y antigin ng Iyong Espiritu ang puso ko. Nawa’y loobin Mo, sa pagharap ko sa Iyo, na maitapon ko ang lahat ng negatibo, huwag na akong papigil sa sinumang tao, pangyayari, o bagay, at lubos kong ilantad ang puso ko sa Iyong harapan, at loobin Mo na maihandog ko ang aking buong pagkatao sa Iyong harapan. Paano Mo man ako subukin, handa ako. Ngayon, hindi ko isinasaalang-alang ang aking mga inaasahan sa hinaharap, ni wala ako sa ilalim ng pagkaalipin ng kamatayan. Sa puso kong nagmamahal sa Iyo, nais kong hanapin ang daan ng buhay. Lahat ng bagay, lahat—ay pawang nasa Iyong mga kamay; ang aking kapalaran ay nasa Iyong mga kamay at hawak Mo ang buhay ko mismo sa Iyong mga kamay. Ngayon, hangad kong mahalin Ka, at hayaan Mo man akong mahalin Ka o hindi, paano man manghimasok si Satanas, determinado akong mahalin Ka.” Kapag nakasagupa mo ang isyung ito, manalangin ka nang ganito. Kung magdarasal ka nang ganito araw-araw, unti-unting mag-iibayo ang lakas mong mahalin ang Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 417
Paano pumapasok ang isang tao sa tunay na panalangin?
Habang nagdarasal, kailangan ay tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at kailangan kang magkaroon ng pusong tapat. Tunay kang nakikipagniig at nagdarasal sa Diyos—hindi mo dapat subukang linlangin ang Diyos gamit ang mga salitang magandang pakinggan. Dapat ay nakasentro ang panalangin doon sa nais isakatuparan ng Diyos ngayon mismo. Hilingin mo sa Diyos na pagkalooban ka ng higit na kaliwanagan at pagtanglaw, dalhin ang tunay na mga kalagayan at suliranin mo sa Kanyang presensya kapag nagdarasal ka, pati na ang pagpapasyang ginawa mo sa harap ng Diyos. Ang panalangin ay hindi tungkol sa pagsunod sa pamamaraan; tungkol ito sa paghahanap sa Diyos nang taos-puso. Hilingin mo sa Diyos na protektahan ang puso mo, upang madalas itong maging tahimik sa Kanyang harapan; na sa kapaligiran kung saan ka Niya inilagay, makilala mo ang iyong sarili, kamumuhian mo ang iyong sarili, at tatalikdan mo ang iyong sarili, sa gayon ay magkaroon ka ng normal na ugnayan sa Diyos at tunay na maging isang tao kang nagmamahal sa Diyos.
Ano ang kabuluhan ng panalangin?
Ang panalangin ay isa sa mga paraan kung saan nakikipagtulungan ang tao sa Diyos, ito ay isang paraan ng pagtawag ng tao sa Diyos, at ito ang proseso kung saan inaantig ng Espiritu ng Diyos ang tao. Masasabi na yaong mga hindi nagdarasal ay mga patay na walang espiritu, na nagpapatunay na wala silang kakayahan na maantig ng Diyos. Kung walang panalangin, imposibleng magkaroon ng normal na espirituwal na buhay, lalong hindi nila masusundan ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang hindi pagdarasal ay pagputol ng ugnayan sa Diyos, at magiging imposibleng makamtan ang papuri ng Diyos. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, habang lalong nagdarasal ang isang tao, habang lalo siyang inaantig ng Diyos, lalo siyang mapupuno ng kapasyahan at lalo siyang makatatanggap ng bagong kaliwanagan mula sa Diyos. Dahil dito, ang ganitong klaseng tao ay maaaring gawing perpekto ng Banal na Espiritu nang napakabilis.
Ano ang epektong inaasahang makamtan ng panalangin?
Maaaring naisasagawa ng mga tao ang pagdarasal at nauunawaan ang kabuluhan ng panalangin, ngunit ang pagiging mabisa ng panalangin ay hindi isang simpleng bagay. Ang panalangin ay hindi lamang basta makatapos ka, o masunod ang pamamaraan, o mabigkas ang mga salita ng Diyos. Ibig sabihin, ang pagdarasal ay hindi pag-uulit ng ilang salita at paggaya sa iba. Sa panalangin, kailangang marating ng isang tao ang kalagayan kung saan maibibigay niya ang kanyang puso sa Diyos, na binubuksan ang puso niya para maantig ito ng Diyos. Para maging mabisa ang panalangin, dapat itong ibatay sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pagdarasal mula sa mga salita ng Diyos magagawa ng isang tao na tumanggap ng higit na kaliwanagan at pagtanglaw. Ang mga palatandaan ng isang tunay na panalangin ay: Pagkakaroon ng pusong nasasabik sa lahat ng hinihingi ng Diyos, at bukod pa riyan ay naghahangad na isakatuparan ang Kanyang mga hinihingi; pagkasuklam sa kinasusuklaman ng Diyos at pagkatapos, mula sa pundasyong ito, pagtatamo ng kaunting pagkaunawa tungkol dito, at pagkakaroon ng kaunting kaalaman at kalinawan tungkol sa mga katotohanang ipinaliliwanag ng Diyos. Kapag nagkaroon ng pagpapasya, pananampalataya, kaalaman, at isang landas ng pagsasagawa kasunod ng panalangin, saka lamang ito matatawag na tunay na pananalangin, at ang ganitong uri ng panalangin lamang ang maaaring maging mabisa. Subalit kailangang itatag ang panalangin sa pagtatamasa sa mga salita ng Diyos, kailangan itong itatag sa pundasyon ng pakikipagniig sa Diyos sa Kanyang mga salita, at kailangang magawa ng puso na hanapin ang Diyos at maging tahimik sa Kanyang harapan. Ang ganitong uri ng panalangin ay nakapasok na sa yugto ng tunay na pakikipagniig sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 418
Ang pinakamahalagang kaalaman tungkol sa panalangin:
1. Huwag pikit-matang sabihin ang anumang pumasok sa isipan. Kailangan ay may pasanin sa puso mo, ibig sabihin, kailangan ay mayroon kang layunin kapag nagdarasal ka.
2. Ang panalangin ay kailangang maglaman ng mga salita ng Diyos; kailangan ay nakasalig ito sa mga salita ng Diyos.
3. Kapag nagdarasal, hindi mo kailangang ulit-ulitin ang lipas nang mga isyu. Dapat mong iugnay ang iyong mga panalangin sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at kapag nagdarasal ka, sabihin mo sa Diyos ang nasasaloob mo.
4. Ang panalangin ng grupo ay kailangang may isang bagay na pinagtutuunan, na kinakailangan ay ang kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu.
5. Kailangang matutuhan ng lahat ng tao ang panalangin ng pamamagitan. Isang paraan din ito ng pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos.
Ang buhay ng panalangin ng indibiduwal ay batay sa pagkaunawa sa kabuluhan ng panalangin at sa pangunahing kaalaman tungkol sa panalangin. Sa pang-araw-araw na buhay, kailangang madalas na ipagdasal ang sarili mong mga pagkukulang, ipagdasal na magkaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, at magdasal batay sa iyong kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos. Dapat magtatag ang bawat tao ng kanilang sariling buhay ng panalangin, dapat silang manalangin para malaman ang mga salita ng Diyos, at dapat silang manalangin upang maghangad ng kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos. Ihayag ang iyong personal na sitwasyon sa harap ng Diyos at magpakatotoo nang hindi nababahala sa paraan ng iyong pagdarasal, at ang pinakamahalaga ay magtamo ng tunay na pagkaunawa, at magtamo ng tunay na karanasan sa mga salita ng Diyos. Ang isang taong nagsisikap na makapasok sa espirituwal na buhay ay kailangang manalangin sa maraming iba’t ibang paraan. Tahimik na panalangin, pagbubulay-bulay sa mga salita ng Diyos, pag-alam sa gawain ng Diyos—lahat ng ito ay mga halimbawa ng makabuluhang gawain ng espirituwal na pagbabahagi para makapasok sa normal na espirituwal na buhay, na laging nagpapainam sa mga kalagayan ng isang tao sa harap ng Diyos at nagtutulak sa kanya na mas umunlad sa buhay. Sa madaling salita, lahat ng ginagawa mo, kumakain at umiinom ka man ng mga salita ng Diyos, o tahimik na nagdarasal, o nagpapahayag nang malakas, ay para malinaw mong makita ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang gawain, at ang nais Niyang matamo sa iyo. Ang mas mahalaga, lahat ng ginagawa mo ay ginagawa para maabot ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos at mas bumuti ang buhay mo. Ang pinakamaliit na hinihingi ng Diyos sa tao ay na magawa niyang buksan ang kanyang puso sa Kanya. Kung ibinibigay ng tao ang kanyang tunay na puso sa Diyos at sinasabi sa Diyos ang tunay na nilalaman ng puso niya, handa ang Diyos na gumawa sa kanya. Ang gusto ng Diyos ay hindi ang baluktot na puso ng tao, kundi ang isang dalisay at tapat na puso. Kung hindi magsasalita ang tao sa Diyos mula sa kanyang puso, hindi aantigin ng Diyos ang kanyang puso o gagawa sa kanya. Kaya naman, ang pinakabuod ng panalangin ay ang kausapin ang Diyos mula sa iyong puso, na sinasabi sa Kanya ang iyong mga pagkukulang o ang tungkol sa iyong mapanghimagsik na disposisyon, ganap na ihinahayag ang iyong sarili sa Kanyang harapan; saka lamang magiging interesado ang Diyos sa iyong mga dalangin, kung hindi, itatago Niya ang Kanyang mukha mula sa iyo. Ang pinakamababang saligan para sa panalangin ay kailangan mong mapanatiling tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at hindi ito dapat lumayo mula sa Diyos. Maaaring sa panahong ito ay hindi ka nagtatamo ng mas bago o mas mataas na kabatiran, ngunit sa gayon ay kailangan mong manalangin upang mapanatili ang iyong katayuan—hindi ka dapat bumalik sa dati. Ito ang pinakamababang kailangan mong makamtan. Kung kahit ito ay hindi mo kayang isakatuparan, pinatutunayan nito na ang iyong espirituwal na buhay ay wala sa tamang landas. Dahil dito, hindi mo magagawang kapitan ang una mong pananaw, mawawalan ka ng pananampalataya sa Diyos, at sa bandang huli ay mapapawi ang iyong kapasyahan. Ang isang tanda kung nakapasok ka na sa espirituwal na buhay o hindi pa ay ang tingnan kung ang iyong mga panalangin ay nasa tamang landas. Kailangang pasukin ng lahat ng tao ang realidad na ito; kailangan nilang lahat na sadyang sanayin ang kanilang sarili sa pagdarasal, hindi sa paghihintay nang walang kibo, kundi sadyang hangarin na maantig ng Banal na Espiritu. Saka lamang sila magiging mga tao na tunay na naghahangad sa Diyos.
Kapag nagsimula kang manalangin, huwag kang magmalabis at umasang makamit ang lahat nang sabay-sabay. Hindi ka maaaring humiling nang sobra-sobra, na umaasa na sa sandaling ibuka mo ang iyong bibig ay aantigin ka ng Banal na Espiritu, o na tatanggap ka ng kaliwanagan at pagtanglaw, o na pagkakalooban ka ng Diyos ng biyaya. Hindi mangyayari iyan; hindi gumagawa ang Diyos ng mga bagay na mahimala. Ipinagkakaloob ng Diyos ang mga panalangin ng mga tao sa Kanyang sariling panahon, at kung minsan ay sinusubok Niya ang iyong pananampalataya upang makita kung ikaw ay tapat sa Kanyang harapan. Kapag nagdarasal ka kailangan ay mayroon kang pananampalataya, pagtitiyaga, at pagpapasya. Karamihan sa mga tao, kapag nagsisimula pa lamang silang magsanay, ay pinanghihinaan ng loob dahil hindi sila naaantig ng Banal na Espiritu. Hindi ito maaari! Kailangan kang magtiyaga; kailangan kang magtuon sa pagdama sa pag-antig ng Banal na Espiritu at sa paghahanap at pagsasaliksik. Kung minsan, ang landas ng iyong pagsasagawa ay hindi tama, at kung minsan, ang iyong personal na mga motibo at kuru-kuro ay hindi mo mapanindigan sa harap ng Diyos, kaya hindi ka naaantig ng Espiritu ng Diyos. Sa ibang mga pagkakataon, tinitingnan ng Diyos kung ikaw ay tapat o hindi. Sa madaling salita, sa pagsasanay, dapat kang maglaan ng higit na pagsisikap. Kung matuklasan mo na lumilihis ka ng landas sa iyong pagsasagawa, maaari mong baguhin ang paraan ng iyong pagdarasal. Hangga’t taos-puso kang naghahangad at nasasabik na tumanggap, tiyak na dadalhin ka ng Banal na Espiritu sa ganitong realidad. Kung minsan nagdarasal ka nang taos-puso ngunit parang hindi mo nadarama na naantig ka talaga. Sa mga panahong kagaya nito kailangan mong umasa sa pananampalataya, na nagtitiwala na nakabantay ang Diyos sa iyong mga dalangin; kailangan mong magtiyaga sa iyong mga panalangin.
Maging matapat ka; manalangin ka sa Diyos na alisin ang panlilinlang sa puso mo. Dalisayin mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng panalangin sa lahat ng oras, maantig ka ng Espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin, at unti-unting magbabago ang iyong disposisyon. Ang tunay na espirituwal na buhay ay isang buhay ng panalangin—ito ay isang buhay na inaantig ng Banal na Espiritu. Ang proseso ng pag-antig ng Banal na Espiritu ay ang proseso ng pagbabago ng disposisyon ng tao. Ang buhay na hindi inaantig ng Banal na Espiritu ay hindi isang espirituwal na buhay, kundi isang buhay lamang ng relihiyosong ritwal. Yaon lamang mga madalas inaantig ng Banal na Espiritu, at naliliwanagan at tinatanglawan ng Banal na Espiritu, ang nakapasok na sa espirituwal na buhay. Ang disposisyon ng tao ay patuloy na nagbabago habang siya ay nagdarasal. Kapag lalo siyang inaantig ng Espiritu ng Diyos, lalo siyang nagiging aktibo at masunurin. Kaya unti-unti ring madadalisay ang kanyang puso, at unti-unting magbabago ang kanyang disposisyon. Ganyan ang epekto ng tunay na panalangin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 419
Wala nang mas mahalagang hakbang sa pagpasok sa mga salita ng Diyos kaysa sa pagpapatahimik sa puso mo sa Kanyang presensya. Isang aral ito na kailangang-kailangang pasukin ng lahat ng tao sa kasalukuyan. Ang mga landas sa pagpasok sa pagpapatahimik sa puso mo sa harap ng Diyos ay ang mga sumusunod:
1. Ilayo mo ang puso mo sa mga bagay na walang kinalaman sa iyo. Pumayapa sa harap ng Diyos, at ituon ang iyong buong pansin sa pagdarasal sa Diyos.
2. Habang payapa ang puso mo sa harap ng Diyos, kainin, inumin, at tamasahin ang mga salita ng Diyos.
3. Pagmunihan at pagbulayan ang pag-ibig ng Diyos at pagnilayan ang gawain ng Diyos sa puso mo.
Una, magsimula sa aspeto ng pagdarasal. Tumutok sa pagdarasal at sa itinakdang mga oras. Gaano ka man kagipit sa oras, o gaano ka man kaabala sa trabaho, o anuman ang dumating sa iyo, manalangin araw-araw nang normal, at kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang normal. Hangga’t kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos, anuman ang iyong kapaligiran, masisiyahan nang husto ang iyong espiritu, at hindi ka gagambalain ng mga tao, pangyayari, o bagay sa iyong paligid. Kapag malimit mong binubulay-bulay ang Diyos sa puso mo, hindi ka magagambala ng nangyayari sa labas. Ito ang kahulugan ng pagkakaroon ng tayog. Magsimula sa pagdarasal: Ang pagdarasal nang tahimik sa harap ng Diyos ay napakamabunga. Pagkatapos noon, kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, hanapin ang liwanag sa mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagninilay sa mga ito, hanapin ang landas ng pagsasagawa, alamin ang layunin ng Diyos sa pagbigkas ng Kanyang mga salita, at unawain ang mga ito nang walang paglihis. Karaniwan, dapat ay normal para sa iyo ang mapalapit sa Diyos sa puso mo, na pagbulayan ang pag-ibig ng Diyos at pagnilayan ang mga salita ng Diyos, nang hindi nagagambala ng mga nangyayari sa labas. Kapag nagkamit na ang puso mo ng kaunting kapayapaan, makakapag-isip-isip ka nang tahimik at, sa iyong kalooban, mapagbubulay-bulayan mo ang pag-ibig ng Diyos at tunay kang mapapalapit sa Kanya, anuman ang iyong kapaligiran, hanggang sa huli ay marating mo ang punto kung saan nag-uumapaw ang papuri sa puso mo, at mas mabuti pa iyan kaysa pagdarasal. Pagkatapos ay magtataglay ka ng isang tiyak na tayog. Kung matatamo mo ang mga kalagayang inilarawan sa itaas, magiging patunay iyan na tunay na payapa ang puso mo sa harap ng Diyos. Ito ang unang mahalagang leksyon. Pagkatapos mapayapa ang mga tao sa harap ng Diyos, saka lamang sila maaantig ng Banal na Espiritu, at maliliwanagan at pagliliwanagin ng Banal na Espiritu, at saka lamang nila tunay na makakaniig ang Diyos, at mauunawaan ang kalooban ng Diyos at ang patnubay ng Banal na Espiritu. Sa gayon ay nakapasok na sila sa tamang landas sa kanilang espirituwal na buhay. Kapag lumalim na nang kaunti ang pagsasanay nilang mabuhay sa harap ng Diyos, at nagagawa nilang talikdan ang kanilang sarili, kasuklaman ang kanilang sarili, at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, tunay na payapa ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Ang magawang kasuklaman ang sarili, isumpa ang sarili, at talikdan ang sarili ang epektong nakamit ng gawain ng Diyos, at hindi ito magagawang mag-isa ng mga tao. Sa gayon, ang pagsasagawa na patahimikin ang puso ng isang tao sa harap ng Diyos ay isang leksyon na dapat pasukin kaagad ng mga tao. Para sa ilang tao, karaniwan ay hindi lamang sila hindi mapayapa sa harap ng Diyos, kundi hindi pa nila mapatahimik ang kanilang puso sa harap ng Diyos kahit habang nagdarasal. Kulang na kulang ito sa mga pamantayan ng Diyos! Kung hindi mapayapa ang puso mo sa harap ng Diyos, maaantig ka ba ng Banal na Espiritu? Kung hindi ka mapayapa sa harap ng Diyos, malamang na magambala ka kapag may dumaan, o kapag nag-uusap ang iba, at maaaring mapalayo ang isipan mo kapag may ginagawa ang iba, kaya hindi ka nabubuhay sa presensya ng Diyos. Kung talagang payapa ang puso mo sa harap ng Diyos, hindi ka magagambala ng anumang nangyayari sa mundo sa labas, o maaabala ng sinumang tao, pangyayari, o bagay. Kung may pagpasok ka rito, ang mga negatibong kalagayang iyon at lahat ng negatibong bagay—mga kuru-kuro ng tao, pilosopiya para sa pamumuhay, abnormal na ugnayan sa mga tao, at mga ideya at kaisipan, at iba pa—ay natural na maglalaho. Dahil palagi mong pinagninilayan ang mga salita ng Diyos, at palagi mong inilalapit ang puso mo sa Diyos at lagi kang abala sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, ang mga negatibong bagay na iyon ay mawawala sa iyo nang hindi mo namamalayan. Kapag abala ka sa mga bago at positibong bagay, mawawalan ng puwang ang mga negatibo at lumang bagay, kaya huwag mong pansinin ang mga negatibong bagay na iyon. Hindi mo kailangang sikaping pigilan ang mga ito. Dapat kang magtuon sa pagiging payapa sa harap ng Diyos, kumain, uminom, at tamasahin ang mga salita ng Diyos hangga’t kaya mo, umawit ng mga himno ng papuri sa Diyos hangga’t kaya mo, at bigyan ng pagkakataon ang Diyos na gawaan ka, dahil gusto ng Diyos ngayon na personal na gawing perpekto ang sangkatauhan, at gusto Niyang matamo ang puso mo; inaantig ng Kanyang Espiritu ang puso mo at kung, sa pagsunod sa patnubay ng Banal na Espiritu, nabubuhay ka sa presensya ng Diyos, mapapalugod mo ang Diyos. Kung papansinin mo ang pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos at higit kang makikibahagi tungkol sa katotohanan upang magtamo ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, maglalahong lahat yaong mga relihiyosong kuru-kuro at ang iyong pagmamagaling at pagpapahalaga sa sarili, at malalaman mo kung paano gugulin ang sarili mo para sa Diyos, paano mahalin ang Diyos, at paano palugurin ang Diyos. At hindi mo mamamalayan, yaong mga bagay na walang kinalaman sa Diyos ay lubusang mapaparam mula sa iyong kamalayan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagpapatahimik sa Puso Mo sa Harap ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 420
Ang pagninilay at pagdarasal tungkol sa mga salita ng Diyos habang kumakain at umiinom ng Kanyang kasalukuyang mga salita ang unang hakbang sa pagiging payapa sa harap ng Diyos. Kung kaya mong tunay na mapayapa sa harap ng Diyos, sasamahan ka ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu. Lahat ng espirituwal na buhay ay nakakamtan sa pamamagitan ng pagiging payapa sa presensya ng Diyos. Sa pagdarasal, kailangan mong maging payapa sa harap ng Diyos, at saka ka lamang maaantig ng Banal na Espiritu. Kapag payapa ka sa harap ng Diyos kapag ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, maaari kang liwanagan at paliwanagin, at magkakaroon ka ng tunay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Sa iyong karaniwang mga pagmumuni-muni at pakikibahagi at paglapit sa Diyos sa puso mo, kapag napayapa ka sa presensya ng Diyos, matatamasa mo ang tunay na pagiging malapit sa Diyos, magkakaroon ka ng tunay na pagkaunawa sa pag-ibig ng Diyos at sa Kanyang gawain, at magpapakita ka ng tunay na pagkamaalalahanin at malasakit sa mga layon ng Diyos. Habang mas karaniwan kang napapayapa sa harap ng Diyos, mas paliliwanagin ka at mas mauunawaan mo ang iyong sariling tiwaling disposisyon, kung ano ang kulang sa iyo, kung ano ang dapat mong pasukin, kung saang katungkulan ka dapat maglingkod, at kung nasaan ang mga depekto mo. Lahat ng ito ay natatamo sa pagiging payapa sa presensya ng Diyos. Kung tunay mong napapalalim ang iyong kapayapaan sa harap ng Diyos, mauunawaan mo ang ilang hiwaga ng espiritu, mauunawaan kung ano ang gusto ng Diyos na isagawa sa iyo sa kasalukuyan, mauunawaan nang mas malalim ang mga salita ng Diyos, mauunawaan ang kaibuturan ng mga salita ng Diyos, ang diwa ng mga salita ng Diyos, ang kabuuan ng mga salita ng Diyos, at makikita mo ang landas ng pagsasagawa nang mas malinaw at tumpak. Kung bigo kang magkamit ng sapat na lalim sa pagiging payapa sa iyong espiritu, maaantig ka lamang nang kaunti ng Banal na Espiritu; madarama mo na lumakas ang loob mo at makadarama ka ng kaunting kasiyahan at kapayapaan, ngunit hindi higit na lalalim ang pagkaunawa mo sa anumang bagay. Nasabi Ko na noon: Kung hindi gagamitin ng mga tao ang buong lakas nila, mahihirapan silang marinig ang Aking tinig o makita ang Aking mukha. Tumutukoy ito sa pagkakaroon ng malalim na kapayapaan sa harap ng Diyos, at hindi sa paimbabaw na mga pagsisikap. Ang isang tao na talagang kayang pumayapa sa presensya ng Diyos ay nagagawang palayain ang kanilang sarili mula sa lahat ng makamundong ugnayan, at maangkin ng Diyos. Lahat ng walang kakayahang pumayapa sa presensya ng Diyos ay tiyak na buktot at hindi masawata. Lahat ng may kakayahang pumayapa sa harap ng Diyos ay yaong mga banal sa harap ng Diyos, at nasasabik sa Diyos. Yaon lamang mga payapa sa harap ng Diyos ang nagpapahalaga sa buhay, nagpapahalaga sa pakikisama sa espiritu, nauuhaw sa mga salita ng Diyos, at naghahangad na matamo ang katotohanan. Sinumang hindi nagpapahalaga sa pagiging payapa sa harap ng Diyos at hindi isinasagawang pumayapa sa harap ng Diyos ay hambog at mapagpaimbabaw, nakakapit sa mundo at walang buhay; kahit sabihin pa nila na naniniwala sila sa Diyos, sabi lang nila iyon. Yaong mga pinerpekto ng Diyos sa huli at ginagawang ganap ay mga taong kayang pumayapa sa Kanyang presensya. Samakatuwid, yaong mga payapa sa harap ng Diyos ay binibiyayaan ng mga dakilang pagpapala. Ang mga taong bihirang gumugugol ng oras na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa buong maghapon, na abalang-abala sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila at kakatiting ang pagpapahalaga sa pagpasok sa buhay—mapagkunwari silang lahat na walang pag-asang lumago sa hinaharap. Yaong mga kayang pumayapa sa harap ng Diyos at tunay na makipagniig sa Diyos ang mga tao ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagpapatahimik sa Puso Mo sa Harap ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 421
Para makaharap sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang mga salita bilang buhay mo, kailangan mo munang mapayapa sa harap ng Diyos. Kapag payapa ka sa harap ng Diyos, saka ka lamang liliwanagan at bibigyan ng kaalaman ng Diyos. Kapag mas payapa ang mga tao sa harap ng Diyos, mas nagagawa nilang tumanggap ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Diyos. Kinakailangan ng mga tao na magkaroon ng kabanalan at pananampalataya sa lahat ng ito; sa gayong paraan lamang sila mapeperpekto. Ang pangunahing leksyon sa pagpasok sa espirituwal na buhay ay ang mapayapa sa presensya ng Diyos. Kung payapa ka sa presensya ng Diyos, saka lamang magiging epektibo ang lahat ng iyong espirituwal na pagsasanay. Kung hindi kaya ng puso mo na pumayapa sa harap ng Diyos, hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung payapa ang puso mo sa harap ng Diyos anuman ang ginagawa mo, isa kang taong nabubuhay sa presensya ng Diyos. Kung payapa ang puso mo sa harap ng Diyos at napapalapit sa Diyos anuman ang ginagawa mo, patunay ito na isa kang taong payapa sa harap ng Diyos. Kung nasasabi mo, habang nakikipag-usap ka sa iba, o naglalakad, na “Ang puso ko ay napapalapit sa Diyos, at hindi nakatuon sa mga bagay na nangyayari sa labas, at kaya kong pumayapa sa harap ng Diyos,” isa kang taong payapa sa harap ng Diyos. Huwag kang makisali sa anumang bagay na umaakit sa puso mo sa mga bagay na walang kinalaman sa iyo, o sa mga taong inilalayo ang puso mo sa Diyos. Anuman ang makakagambala sa puso mo mula sa pagiging malapit sa Diyos, isantabi ito, o layuan ito. Mas malaki ang pakinabang nito sa buhay mo. Ngayon mismo ang panahon para sa dakilang gawain ng Banal na Espiritu, ang panahon kung kailan personal na ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao. Kung, sa sandaling ito, hindi ka maaaring pumayapa sa harap ng Diyos, hindi ka isang tao na babalik sa harap ng luklukan ng Diyos. Kung naghahangad ka ng mga bagay maliban sa Diyos, walang paraan para maperpekto ka ng Diyos. Yaong mga nakakarinig sa gayong mga pagbigkas mula sa Diyos subalit hindi mapayapa sa Kanyang harapan ngayon ay mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan at hindi nagmamahal sa Diyos. Kung hindi mo ihahandog ang iyong sarili sa sandaling ito, ano pa ang hinihintay mo? Ang ihandog ang sarili ay ang patahimikin ang puso ng isang tao sa harap ng Diyos. Iyan ang tunay na paghahandog. Sinumang tunay na naghahandog ng kanilang puso sa Diyos ngayon ay tiyak na gagawing ganap ng Diyos. Walang anuman, anuman ito, na maaaring gumambala sa iyo; para tabasan ka man o pakitunguhan ka, o masiphayo ka man o mabigo, dapat ay palaging payapa ang puso mo sa harap ng Diyos. Paano ka man tratuhin ng mga tao, dapat pumayapa ang puso mo sa harap ng Diyos. Anuman ang sitwasyong kinakaharap mo—nahihirapan ka man, nagdurusa, inuusig, o iba pang mga pagsubok—dapat ay laging payapa ang puso mo sa harap ng Diyos; gayon ang mga landas para maperpekto. Kapag tunay kang payapa sa harap ng Diyos, saka lamang magiging malinaw sa iyo ang kasalukuyang mga salita ng Diyos. Sa gayon ay maisasagawa mo nang mas tama at walang paglihis ang pagpapalinaw at kaliwanagan ng Banal na Espiritu, mauunawaan nang mas malinaw ang mga layon ng Diyos na magbibigay ng mas malinaw na direksyon sa iyong paglilingkod, mauunawaan nang mas tumpak ang pagkilos at patnubay ng Banal na Espiritu, at matitiyak na mabuhay sa ilalim ng patnubay ng Banal na Espiritu. Gayon ang mga epektong nakakamit ng tunay na pagiging payapa sa harap ng Diyos. Kapag ang mga tao ay hindi malinaw tungkol sa mga salita ng Diyos, walang landas para magsagawa, bigong maunawaan ang mga layon ng Diyos, o walang mga prinsipyo ng pagsasagawa, ito ay dahil hindi payapa ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Ang layunin ng pagiging payapa sa harap ng Diyos ay upang maging masugid at praktikal, at maghangad ng kawastuhan at kalinawan sa mga salita ng Diyos, at sa huli ay maunawaan ang katotohanan at makilala ang Diyos.
Kung ang puso mo ay hindi madalas na payapa sa harap ng Diyos, walang paraan ang Diyos para magawa kang perpekto. Ang kawalan ng paninindigan ay kawalan ng puso, at ang isang taong walang puso ay hindi maaaring mapayapa sa harap ng Diyos; hindi alam ng gayong tao kung gaano karaming gawain ang ginagawa ng Diyos, o gaano karami ang Kanyang sinasabi, ni hindi nila alam kung paano magsagawa. Hindi ba walang puso ang taong ito? Maaari bang pumayapa ang isang taong walang puso sa harap ng Diyos? Walang paraan ang Diyos na magawang perpekto ang mga taong walang puso—hindi sila naiiba sa mga hayop na may pasan. Nagsalita na ang Diyos nang malinaw at deretsahan, subalit hindi pa rin naaantig ang puso mo, at hindi ka pa rin mapayapa sa harap ng Diyos. Hindi ka ba isang mangmang na hayop? Ang ilang tao ay naliligaw sa pagsasagawa na mapayapa sa presensya ng Diyos. Kapag oras na para magluto, hindi sila nagluluto, at kapag oras na para gumawa ng mga gawain, hindi nila ginagawa ang mga iyon, kundi patuloy lamang silang nagdarasal at nagmumuni-muni. Ang mapayapa sa harap ng Diyos ay hindi nangangahulugan na huwag magluto o gumawa ng mga gawain, o huwag magpatuloy sa buhay; sa halip, ito ay ang magawang patahimikin ang puso ng isang tao sa harap ng Diyos sa lahat ng normal na kalagayan, at magkaroon ng puwang sa puso ng isang tao para sa Diyos. Kapag nagdarasal ka, dapat kang lumuhod nang maayos sa harap ng Diyos para magdasal; kung gumagawa ka ng mga gawain o naghahanda ng pagkain, patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos, pagnilayan ang mga salita ng Diyos, o umawit ng mga himno. Anuman ang sitwasyon mo, dapat kang magkaroon ng sarili mong paraan sa pagsasagawa, dapat mong gawin ang lahat ng kaya mo para mapalapit sa Diyos, at dapat mong sikapin nang buo mong lakas na patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos. Kapag itinutulot ng sitwasyon, magdasal nang walang ibang ginagawa; kapag hindi itinutulot ng sitwasyon, lumapit sa Diyos sa puso mo habang ginagawa mo ang gawaing kailangang gawin. Kapag maaari mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, kainin at inumin ang Kanyang mga salita; kapag makapagdarasal ka, magdasal ka; kung maaari mong pagbulay-bulayan ang Diyos, pagbulay-bulayan Siya. Sa madaling salita, gawin ang lahat ng iyong magagawa para sanayin ang sarili mo sa pagpasok ayon sa iyong kapaligiran. Maaaring mapayapa ang ilang tao sa harap ng Diyos kapag walang problema, ngunit sa sandaling may mangyari, gumagala ang isipan nila. Hindi iyon pagiging payapa sa harap ng Diyos. Ang tamang paraan ng pagdanas ay ganito: Anuman ang sitwasyon, hindi dapat lumayo sa Diyos ang puso ng isang tao, o magambala ng mga tao, mga pangyayari, o mga bagay sa labas, at saka lamang tunay na payapa ang isang tao sa harap ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, kapag nagdarasal sila sa mga pagpupulong, maaaring mapayapa ang kanilang puso sa harap ng Diyos, ngunit sa pakikibahagi sa iba hindi nila kayang pumayapa sa harap ng Diyos, at gumagala ang isipan nila. Hindi ito pagiging payapa sa harap ng Diyos. Ngayon, karamihan sa mga tao ay ganito ang kalagayan, hindi kaya ng puso nila na palaging maging payapa sa harap ng Diyos. Sa gayon, kailangan ninyong dagdagan pa ang inyong pagsisikap sa pagsasanay sa inyong sarili sa aspetong ito, pumasok, nang paunti-unti, sa tamang landasin ng karanasan sa buhay, at magsimulang tumahak sa landas ng pagpeperpekto ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagpapatahimik sa Puso Mo sa Harap ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 422
Ang gawain at salita ng Diyos ay naglalayong magsanhi ng pagbabago sa inyong disposisyon; ang Kanyang mithiin ay hindi lamang basta ipaunawa o ipaalam sa inyo ang Kanyang gawain at salita. Hindi iyon sapat. Ikaw ay isang taong may kakayahang umunawa, kaya hindi ka dapat mahirapan sa pag-unawa sa salita ng Diyos, dahil karamihan sa salita ng Diyos ay nakasulat sa wika ng tao, at napakalinaw Niyang magsalita. Halimbawa, kayang-kaya mong malaman ang nais ipaunawa at ipasagawa sa inyo ng Diyos; ito ay isang bagay na dapat kayang gawin ng isang taong may kakayahang umunawa. Sa partikular, ang mga salitang sinasambit ng Diyos sa kasalukuyang yugto ay napakaliwanag at napakalinaw, at itinuturo ng Diyos ang maraming hindi pa naisaalang-alang ng mga tao, gayundin ang lahat ng uri ng kalagayan ng tao. Ang Kanyang mga salita ay para sa lahat, at kasingliwanag ng bilog na buwan. Kaya ngayon, nauunawaan ng mga tao ang maraming isyu, ngunit may kulang pa rin—ang pagsasagawa ng mga tao sa Kanyang salita. Kailangang maranasan ng mga tao ang lahat ng aspeto ng katotohanan nang detalyado, at tuklasin at hangarin ito nang mas detalyado, sa halip na basta maghintay na tanggapin kung ano ang ibigay sa kanila; kung hindi ay nagiging mga palaasa lang sila sa iba. Alam nila ang salita ng Diyos, subalit hindi nila ito isinasagawa. Ang ganitong uri ng tao ay walang pagmamahal sa katotohanan at sa huli ay aalisin. Para maging katulad ng isang Pedro sa dekada 90, nangangahulugan ito na bawat isa sa inyo ay dapat isagawa ang salita ng Diyos, magkaroon ng tunay na pagpasok sa inyong mga karanasan at magkamit ng higit pa at mas dakilang kaliwanagan sa inyong pakikipagtulungan sa Diyos, na magdadala ng higit at higit pang tulong sa sarili ninyong buhay. Kung marami na kayong nabasang salita ng Diyos ngunit nauunawaan lamang ninyo ang kahulugan ng teksto at wala kayong personal na kaalaman sa salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong praktikal na mga karanasan, hindi mo malalaman ang salita ng Diyos. Para sa iyo, ang salita ng Diyos ay hindi buhay, kundi mga titik lamang na walang buhay. At kung ang ipamumuhay mo ay mga titik lamang na walang buhay, hindi mo mauunawaan ang diwa ng salita ng Diyos, ni mauunawaan ang Kanyang kalooban. Kapag naranasan mo na ang Kanyang salita sa iyong mga tunay na karanasan, saka lamang kusang mahahayag sa iyo ang espirituwal na kahulugan ng salita ng Diyos, at sa pamamagitan lamang ng karanasan mo mauunawaan ang espirituwal na kahulugan ng maraming katotohanan at mabubuksan ang mga hiwaga ng salita ng Diyos. Kung hindi mo ito isasagawa, gaano man kalinaw ang Kanyang salita, ang tanging naunawaan mo ay mga hungkag na titik at doktrina lamang, na naging mga tuntuning pangrelihiyon na sa iyo. Hindi ba ito ang ginawa ng mga Pariseo? Kung isinasagawa at nararanasan ninyo ang salita ng Diyos, nagiging praktikal ito sa inyo; kung hindi ninyo hinahangad isagawa ito, hihigit lang nang kaunti sa alamat ng ikatlong langit ang salita ng Diyos para sa iyo. Sa katunayan, ang proseso ng paniniwala sa Diyos ay ang proseso ng inyong pagdanas sa Kanyang salita gayundin ang pagiging nakamit Niya, o para mas maliwanag, ang maniwala sa Diyos ay ang magkaroon ng kaalaman at pagkaunawa sa Kanyang salita at ang maranasan at isabuhay ang Kanyang salita; ganyan ang realidad sa likod ng inyong paniniwala sa Diyos. Kung kayo ay naniniwala sa Diyos at umaasa sa buhay na walang hanggan nang hindi naghahangad na isagawa ang salita ng Diyos at pumasok sa realidad ng katotohanan, kayo ay hangal. Magiging para itong pagpunta sa isang piging at pagtingin lamang sa pagkain at pagsasaulo kung alin ang masarap nang hindi man lamang tinitikman ang alinman dito, magiging para itong hindi pagkain o pag-inom ng kahit ano roon. Hindi ba hangal ang gayong tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Sandaling Maunawaan Ninyo ang Katotohanan, Dapat Ninyo Itong Isagawa
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 423
Ang katotohanan na kailangang taglayin ng tao ay matatagpuan sa salita ng Diyos, at isang katotohanan ito na lubhang kapaki-pakinabang at nakakatulong sa sangkatauhan. Ito ang pampalakas at panustos na kailangan ng inyong katawan, isang bagay na tumutulong sa panunumbalik ng normal na pagkatao ng tao. Ito ay isang katotohanan na dapat taglayin ng tao. Habang lalo ninyong isinasagawa ang salita ng Diyos, lalong bumibilis ang pamumukadkad ng inyong buhay, at lalong lumilinaw ang katotohanan. Habang lumalago ang inyong tayog, makikita ninyo nang mas malinaw ang mga bagay ng espirituwal na mundo, at lalo kayong lalakas upang magtagumpay laban kay Satanas. Karamihan sa katotohanang hindi ninyo nauunawaan ay lilinaw kapag isinasagawa ninyo ang salita ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay nasisiyahan na maunawaan lamang ang teksto ng salita ng Diyos at magtuon sa pagsasangkap sa kanilang sarili ng mga doktrina sa halip na palalimin ang kanilang karanasan sa pagsasagawa, ngunit hindi ba iyon ang paraan ng mga Pariseo? Kaya paano magiging totoo ang pariralang “Ang salita ng Diyos ay buhay” para sa kanila? Hindi makalalago ang buhay ng isang tao sa pagbabasa lamang ng salita ng Diyos, kundi kapag isinasagawa lamang niya ang salita ng Diyos. Kung ang paniniwala mo ay na ang pag-unawa lamang sa salita ng Diyos ang kailangan upang magkaroon ng buhay at tayog, baliko ang pang-unawa mo. Nangyayari ang tunay na pagkaunawa sa salita ng Diyos kapag isinasagawa mo ang katotohanan, at kailangan mong maunawaan na “sa pagsasagawa lamang ng katotohanan ito maaaring maunawaan.” Sa araw na ito, matapos basahin ang salita ng Diyos, masasabi mo lamang na alam mo ang salita ng Diyos, ngunit hindi mo masasabi na nauunawaan mo ito. Sinasabi ng ilan na ang tanging paraan para maisagawa ang katotohanan ay ang unawain muna ito, ngunit medyo tama lamang ito, at walang dudang hindi ganap na tumpak. Bago ka magkaroon ng kaalaman tungkol sa isang katotohanan, hindi mo pa nararanasan ang katotohanang iyon. Ang pakiramdam na nauunawaan mo ang isang bagay na naririnig mo sa isang sermon ay hindi tunay na pagkaunawa—pagtataglay lamang ito ng literal na mga salita ng katotohanan, at hindi kagaya ng pagkaunawa sa tunay na kahulugan niyon. Hindi dahil mayroon kang malalim na kaalaman tungkol sa katotohanan ay talagang nauunawaan mo na iyon o may kaalaman ka na tungkol doon; ang tunay na kahulugan ng katotohanan ay nanggagaling mula sa pagdanas nito. Samakatuwid, kapag naranasan mo na ang katotohanan, saka mo lamang ito mauunawaan, at saka mo lamang mauunawaan ang mga natatagong bahagi nito. Ang pagpapalalim ng iyong karanasan ang tanging paraan upang maunawaan ang mga natatagong kahulugan at ang diwa ng katotohanan. Samakatuwid, makakapunta ka kahit saan na dala ang katotohanan, ngunit kung wala ang katotohanan sa iyo, huwag mong isiping kumbinsihin kahit ang iyong mga kapamilya, lalo na ang mga relihiyosong tao. Kung wala sa iyo ang katotohanan, para kang lilipad-lipad na niyebe, ngunit kapag nasa iyo ang katotohanan maaari kang maging masaya at malaya, at walang maaaring umatake sa iyo. Gaano man katibay ang isang teorya, hindi nito madaraig ang katotohanan. Kung mayroong katotohanan, ang mundo mismo ay maaaring yanigin at ang mga bundok at dagat ay maaaring ilipat, samantalang kung walang katotohanan ay maaaring durugin ng mga uod ang matitibay na pader ng lungsod. Ito ay isang malinaw na katotohanan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Sandaling Maunawaan Ninyo ang Katotohanan, Dapat Ninyo Itong Isagawa
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 424
Sa kasalukuyang yugto, napakahalagang malaman muna ang katotohanan, at pagkatapos ay isagawa ito at sangkapan pa ang iyong sarili ng tunay na kahulugan ng katotohanan. Dapat ninyong hangaring matamo ito. Sa halip na basta hangaring pasunurin ang iba sa iyong mga salita, dapat mo silang pasunurin sa iyong pagsasagawa. Sa ganitong paraan ka lamang makasusumpong ng isang bagay na makabuluhan. Anuman ang sumapit sa iyo, sinuman ang makasalamuha mo, basta’t taglay mo ang katotohanan, magagawa mong manindigan nang matatag. Ang salita ng Diyos ang siyang naghahatid ng buhay sa tao, hindi ng kamatayan. Kung, matapos mong basahin ang salita ng Diyos, hindi ka nabuhay, kundi patay ka pa rin, may mali sa iyo. Kung pagkaraan ng ilang panahon ay marami ka nang nabasa sa salita ng Diyos at nakarinig ka na ng maraming praktikal na sermon, ngunit patay ka pa rin, pinatutunayan nito na hindi mo pinahahalagahan ang katotohanan, ni hinahangad na matamo ang katotohanan. Kung talagang hinangad ninyong matamo ang Diyos, hindi kayo magtutuon sa pagsasangkap sa inyong sarili ng mga doktrina at paggamit ng matatayog na doktrina para turuan ang iba, kundi sa halip ay magtutuon kayo sa pagdanas ng salita ng Diyos at sa pagsasagawa ng katotohanan. Hindi ba iyan ang dapat ninyong hangaring pasukin ngayon?
Limitado ang panahon para gawin ng Diyos ang Kanyang gawain sa tao, kaya ano ang kalalabasan niyan kung hindi ka makikipagtulungan sa Kanya? Bakit palaging gusto ng Diyos na isagawa ninyo ang Kanyang salita kapag naunawaan na ninyo ito? Ito ay dahil inihayag na ng Diyos ang Kanyang mga salita sa inyo, at ang inyong susunod na hakbang ay ang talagang isagawa ang mga ito. Habang isinasagawa ninyo ang mga salitang ito, isasakatuparan ng Diyos ang gawain ng pagliliwanag at pagpatnubay. Ganyan iyon nararapat na gawin. Ang salita ng Diyos ay tinutulutan ang tao na mamukadkad sa buhay at hindi ito nagtataglay ng mga elementong magiging dahilan para malihis o maging balintiyak ang tao. Sinasabi mo na nabasa mo na ang salita ng Diyos at naisagawa na ito, ngunit wala ka pa ring natatanggap na anumang gawain mula sa Banal na Espiritu. Batang paslit lamang ang kayang lokohin ng iyong mga salita. Maaaring hindi alam ng ibang mga tao kung tama ang iyong mga layunin, ngunit sa palagay mo ba posibleng hindi iyon malaman ng Diyos? Paano nangyari na isinasagawa ng iba ang salita ng Diyos at tumatanggap sila ng pagliliwanag ng Banal na Espiritu, subalit isinasagawa mo ang Kanyang salita at hindi mo natatanggap ang pagliliwanag ng Banal na Espiritu? May damdamin ba ang Diyos? Kung talagang tama ang iyong mga layunin at nakikipagtulungan ka, sasaiyo ang Espiritu ng Diyos. Gusto palagi ng ilang tao na mag-angkin, ngunit bakit hindi sila hinahayaan ng Diyos na tumindig at mamuno sa iglesia? Ang ilang tao ay tinutupad at ginagampanan lamang ang kanilang tungkulin, at bago pa nila malaman, natamo na nila ang pagsang-ayon ng Diyos. Paano nangyari iyon? Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao, at kailangan itong gawin ng mga taong naghahanap sa katotohanan nang may mga tamang layunin. Ang mga taong hindi tama ang mga layunin ay hindi kayang manindigan nang matatag. Sa kaibuturan nito, ang inyong mithiin ay ang hayaang magkabisa ang salita ng Diyos sa inyong kalooban. Sa madaling salita, ito ay ang magkaroon ng isang tunay na pagkaunawa sa salita ng Diyos sa inyong pagsasagawa nito. Marahil ay wala kayong gaanong kakayahang unawain ang salita ng Diyos, ngunit kapag isinasagawa ninyo ang salita ng Diyos, maaari Niyang punan ang kakulangang ito, kaya hindi lamang ninyo kailangang malaman ang maraming katotohanan, kundi kailangan din ninyong isagawa ang mga ito. Ito ang pinakadakilang pagtutuon na hindi maaaring balewalain. Tiniis ni Jesus ang maraming kahihiyan at pagdurusa sa Kanyang tatlumpu’t tatlong kalahating taon. Nagdusa Siya nang labis dahil lamang sa isinagawa Niya ang katotohanan, ginawa ang kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay, at nagmalasakit lamang sa kalooban ng Diyos. Ito ay pagdurusang hindi sana Niya dinanas kung nalaman Niya ang katotohanan nang hindi iyon isinasagawa. Kung sinunod ni Jesus ang mga turo ng mga Hudyo at sinunod ang mga Pariseo, hindi sana Siya nagdusa. Matututuhan mo mula sa mga gawa ni Jesus na ang bisa ng gawain ng Diyos sa tao ay nagmumula sa pakikipagtulungan ng tao, at ito ay isang bagay na kailangan ninyong kilalanin. Nagdusa kaya si Jesus na tulad ng dinanas Niya sa krus kung hindi Niya isinagawa ang katotohanan? Nanalangin kaya Siya ng napakalungkot na panalangin kung hindi Siya kumilos alinsunod sa kalooban ng Diyos? Samakatuwid, dapat kayong magdusa alang-alang sa pagsasagawa ng katotohanan; ito ang uri ng pagdurusang dapat danasin ng isang tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Sandaling Maunawaan Ninyo ang Katotohanan, Dapat Ninyo Itong Isagawa
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 425
Sa pagsasagawa, ang pagsunod sa mga kautusan ay dapat iugnay sa pagsasagawa ng katotohanan. Habang sumusunod sa mga kautusan, kailangang isagawa ng tao ang katotohanan. Kapag nagsasagawa ng katotohanan, hindi dapat labagin ng tao ang mga prinsipyo ng mga kautusan, ni salungatin ang mga kautusan; kailangan mong gawin ang anumang ipinagagawa sa iyo ng Diyos. Ang pagsunod sa mga kautusan at pagsasagawa ng katotohanan ay magkaugnay, hindi magkasalungat. Kapag lalo mong isinasagawa ang katotohanan, lalo kang nagkakaroon ng kakayahang sundin ang diwa ng mga kautusan. Kapag lalo mong isinasagawa ang katotohanan, lalo mong mauunawaan ang salita ng Diyos ayon sa ipinahayag sa mga kautusan. Ang pagsasagawa ng katotohanan at pagsunod sa mga kautusan ay hindi magkasalungat na mga kilos—magkaugnay ang mga ito. Sa simula, matapos sundin ng tao ang mga kautusan, saka lamang niya maaaring isagawa ang katotohanan at makamit ang kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu, ngunit hindi ito ang orihinal na layon ng Diyos. Hinihiling ng Diyos na ituon mo ang puso mo sa pagsamba sa Kanya, hindi lamang pagkilos nang maayos. Gayunman, kailangan mong sundin ang mga kautusan kahit paimbabaw lamang. Unti-unti, sa pamamagitan ng karanasan, matapos magtamo ng mas malinaw na pagkaunawa sa Diyos, titigil ang mga tao sa pagsuway at paglaban sa Kanya, at hindi na magkakaroon ng anumang mga pagdududa tungkol sa Kanyang gawain. Ito lamang ang paraan para makasunod ang mga tao sa diwa ng mga kautusan. Samakatuwid, ang pagsunod lamang sa mga kautusan, nang hindi isinasagawa ang katotohanan, ay hindi epektibo, at hindi bumubuo ng tunay na pagsamba sa Diyos, sapagkat hindi ka pa nagtatamo ng tunay na tayog. Ang pagsunod sa mga kautusan nang wala ang katotohanan ay katumbas lamang ng pagsunod nang mahigpit sa mga panuntunan. Sa paggawa nito, ang mga kautusan ay magiging batas mo, na hindi makakatulong sa iyo na lumago sa buhay. Bagkus, magiging pasanin mo ang mga ito, at igagapos ka nang mahigpit gaya ng mga kautusan ng Lumang Tipan, na magiging dahilan upang mawala sa iyo ang presensya ng Banal na Espiritu. Samakatuwid, sa pagsasagawa lamang ng katotohanan mo epektibong masusunod ang mga kautusan, at sinusunod mo ang mga kautusan upang isagawa ang katotohanan. Sa proseso ng pagsunod sa mga kautusan, isasagawa mo ang mas maraming katotohanan, at sa pagsasagawa ng katotohanan, magtatamo ka ng mas malalim na pag-unawa sa tunay na kahulugan ng mga kautusan. Ang layunin at kahulugan sa likod ng kahilingan ng Diyos na sundin ng tao ang mga kautusan ay hindi lamang para pasunurin siya sa mga panuntunan, na maaari niyang isipin; sa halip, may kinalaman iyon sa kanyang pagpasok sa buhay. Ang lawak ng iyong paglago sa buhay ang nagdidikta sa antas ng kakayahan mong sundin ang mga kautusan. Bagama’t ang mga kautusan ay para sundin ng tao, ang diwa ng mga kautusan ay nagiging malinaw lamang sa pamamagitan ng karanasan sa buhay ng tao. Ipinapalagay ng karamihan sa mga tao na ang maayos na pagsunod sa mga kautusan ay nangangahulugan na sila ay “handang-handa, at ang kailangan na lamang gawin ay sumunod.” Kalabisan ang ideyang ito, at hindi naaayon sa kalooban ng Diyos. Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay ayaw sumulong, at nag-iimbot sila sa laman. Walang katuturan iyan! Hindi iyan nakaayon sa realidad! Hindi kalooban ng Diyos na isagawa lamang ang katotohanan nang hindi talaga sinusunod ang mga kautusan. Yaong mga gumagawa nito ay mga pilay; tulad sila ng mga taong nawawala ang isang paa. Ang pagsunod lamang sa mga kautusan na parang sumusunod sa mga panuntunan, subalit hindi nagtataglay ng katotohanan—wala rin itong kakayahang palugurin ang kalooban ng Diyos; gaya ng mga taong bulag ang isang mata, ang mga taong gumagawa rin nito ay nagdurusa mula sa isang uri ng kapansanan. Masasabi na kung susundin mo ang mga kautusan nang maayos at magkakamit ka ng malinaw na pagkaunawa sa praktikal na Diyos, tataglayin mo ang katotohanan; kumpara sa iba, magtatamo ka na ng tunay na tayog. Kung isinasagawa mo ang katotohanan na dapat mong isagawa, susundin mo rin ang mga kautusan, at ang dalawang bagay na ito ay hindi magkasalungat. Ang pagsasagawa ng katotohanan at pagsunod sa mga kautusan ay dalawang sistema, na kapwa mahahalagang bahagi ng karanasan sa buhay ng isang tao. Ang karanasan ng isang tao ay dapat buuin ng pagkakaisa, hindi ng pagkakahati, ng pagsunod sa mga kautusan at pagsasagawa ng katotohanan. Gayunman, kapwa may mga pagkakaiba at pagkakaugnay sa pagitan ng dalawang ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsunod sa mga Kautusan at Pagsasagawa ng Katotohanan
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 426
Ang pagpapahayag ng mga kautusan ng bagong kapanahunan ay isang patotoo sa katunayan na lahat ng tao sa daloy na ito, lahat ng nakaririnig sa tinig ng Diyos ngayon, ay nakapasok na sa isang bagong kapanahunan. Ito ay isang bagong simula para sa gawain ng Diyos, at isang simula rin ng huling bahagi ng gawain sa plano ng pamamahala ng Diyos sa loob ng anim na libong taon. Ang mga kautusan ng bagong kapanahunan ay simbolo na ang Diyos at ang tao ay nakapasok na sa saklaw ng isang bagong langit at isang bagong lupa, at na ang Diyos, tulad noong gumawa si Jehova sa mga Israelita at gumawa si Jesus sa mga Hudyo, ay gagawa ng mas maraming praktikal na gawain, at gagawa ng mas marami at mas dakila pang gawain sa lupa. Ang mga ito ay simbolo rin na ang grupong ito ng mga tao ay tatanggap ng mas marami at mas dakilang mga tagubilin mula sa Diyos, at paglalaanan, pakakainin, susuportahan, pangangalagaan, at poprotektahan Niya sa praktikal na paraan, bibigyan Niya ng mas marami pang praktikal na pagsasanay, at pakikitunguhan, dudurugin, at pipinuhin ng salita ng Diyos. Ang kabuluhan ng mga kautusan ng bagong kapanahunan ay medyo malalim. Iminumungkahi ng mga ito na ang Diyos ay talagang magpapakita sa lupa, kung saan lulupigin Niya ang buong sansinukob, na magbubunyag ng Kanyang buong kaluwalhatian sa katawang-tao. Iminumungkahi rin ng mga ito na ang praktikal na Diyos ay gagawa ng mas maraming praktikal na gawain sa lupa upang gawing perpekto ang lahat ng Kanyang hinirang. Bukod pa riyan, isasakatuparan ng Diyos ang lahat sa lupa gamit ang mga salita, at ipapahayag ang utos na “ang Diyos na nagkatawang-tao ay tataas sa pinakamataas at palalakihin, at lahat ng tao at lahat ng bansa ay luluhod upang sambahin ang Diyos, na dakila.” Bagama’t ang mga kautusan ng bagong kapanahunan ay para sundin ng tao, at bagama’t tungkulin at obligasyon ng tao na gawin iyon, ang kahulugang kinakatawan ng mga ito ay napakalalim para lubos na maipahayag sa isa o dalawang salita. Ang mga kautusan ng bagong kapanahunan ay pinapalitan ang mga kautusan sa Lumang Tipan at ang mga ordenansa sa Bagong Tipan ayon sa ipinahayag nina Jehova at Jesus. Ito ay isang mas malalim na aral, hindi isang bagay na kasing-simple ng maaaring isipin ng tao. May isang aspeto ng praktikal na kabuluhan sa mga kautusan ng bagong kapanahunan: Ang mga ito ay nagsisilbing pang-ugnay sa pagitan ng Kapanahunan ng Biyaya at ng Kapanahunan ng Kaharian. Winakasan ng mga kautusan ng bagong kapanahunan ang lahat ng kagawian at ordenansa sa lumang kapanahunan, pati na rin ang lahat ng kagawian mula sa kapanahunan ni Jesus at mga kagawian bago sumapit iyon. Dinadala ng mga ito ang tao sa presensya ng mas praktikal na Diyos, na nagtutulot na simulan siyang personal na gawing perpekto ng Diyos; ang mga ito ang simula ng landas tungo sa pagiging perpekto. Sa gayon, dapat kayong magtaglay ng tamang saloobin hinggil sa mga kautusan ng bagong kapanahunan, at huwag sundin ang mga ito nang basta-basta ni hamakin ang mga ito. Binibigyang-diin ng mga kautusan ng bagong kapanahunan ang isang punto: Na sasambahin ng tao ang praktikal na Diyos Mismo ngayon, na kinabibilangan ng mas praktikal na pagpapasakop sa diwa ng Espiritu. Binibigyang-diin din ng mga kautusan ang mga prinsipyong gagamitin ng Diyos sa paghatol sa tao kung maysala ba ito o matuwid matapos Siyang magpakita bilang Araw ng katuwiran. Ang mga kautusan ay mas madaling maunawaan kaysa isagawa. Mula rito, makikita na kung nais ng Diyos na gawing perpekto ang tao, kailangan Niyang gawin iyon sa pamamagitan ng Kanyang sariling mga salita at patnubay, at hindi magiging perpekto ang tao sa pamamagitan lamang ng sarili niyang likas na talino. Masusunod man ng tao ang mga kautusan ng bagong kapanahunan o hindi ay may kinalaman sa kaalaman ng tao tungkol sa praktikal na Diyos. Dahil dito, masusunod mo man ang mga kautusan o hindi ay hindi isang tanong na malulutas sa loob lamang ng ilang araw. Ito ay isang napakalalim na aral na matututuhan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsunod sa mga Kautusan at Pagsasagawa ng Katotohanan
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 427
Ang pagsasagawa ng katotohanan ay isang landas kung saan maaaring lumago ang buhay ng tao. Kung hindi ninyo isinasagawa ang katotohanan, walang matitira sa inyo kundi teorya lamang at hindi kayo magkakaroon ng totoong buhay. Katotohanan ang simbolo ng tayog ng tao, at isinasagawa mo man ang katotohanan o hindi ay nauugnay sa kung mayroon kang tunay na tayog o wala. Kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan, hindi ka kumikilos nang matuwid, o nagpapadala ka sa emosyon at nagmamalasakit ka sa iyong laman, napakalayong sumunod ka sa mga kautusan. Ito ang pinakamalalim na aral sa lahat. Sa bawat kapanahunan, maraming katotohanang kailangang pasukin at unawain ng tao, ngunit sa bawat kapanahunan, mayroon ding iba’t ibang kautusang kalakip ng mga katotohanang iyon. Ang katotohanang isinasagawa ng mga tao ay may kaugnayan sa isang partikular na kapanahunan, at gayon din ang mga kautusang sinusunod nila. Bawat kapanahunan ay may sarili nitong mga katotohanang isasagawa at mga kautusang susundin. Gayunman, depende sa iba-ibang kautusang ipinahayag ng Diyos—ibig sabihin, depende sa iba’t ibang kapanahunan—ang layunin at epekto ng pagsasagawa ng tao ng katotohanan ay magkakaiba ang laki. Masasabi na ang mga kautusan ay nagsisilbi sa katotohanan, at ang katotohanan ay umiiral upang mapanatili ang mga kautusan. Kung katotohanan lamang ang mayroon, hindi magkakaroon ng mga pagbabago sa gawain ng Diyos na mapag-uusapan. Gayunman, sa pagtukoy sa mga kautusan, makikilala ng tao ang lawak ng mga kalakaran sa gawain ng Banal na Espiritu, at malalaman ng tao ang kapanahunan kung saan gumagawa ang Diyos. Sa relihiyon, maraming taong maaaring magsagawa ng mga katotohanang isinagawa ng mga tao sa Kapanahunan ng Kautusan. Gayunman, wala sa kanila ang mga kautusan ng bagong kapanahunan, ni hindi nila masusunod ang mga ito. Sinusunod pa rin nila ang mga dating gawi at nananatiling mga sinaunang tao. Hindi sila sinamahan ng mga bagong pamamaraan ng gawain at hindi nila makita ang mga kautusan ng bagong kapanahunan. Sa gayon, wala sa kanila ang gawain ng Diyos. Para bang mayroon lamang silang mga itlog na walang laman: kung walang sisiw sa loob, walang espiritu. Para mas tumpak, ibig sabihin ay wala silang buhay. Ang gayong mga tao ay hindi pa nakapasok sa bagong kapanahunan at napag-iwanan nang maraming hakbang. Kung gayon, walang silbi ang magkaroon ng mga katotohanan mula sa mas lumang mga kapanahunan ngunit walang mga kautusan ng bagong kapanahunan. Marami sa inyo ang nagsasagawa ng katotohanan ngayon ngunit hindi ninyo sinusunod ang mga kautusan nito. Wala kayong mapapala, at ang katotohanang inyong isinasagawa ay mawawalan ng halaga at kabuluhan at hindi kayo pupurihin ng Diyos. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay kailangang gawin ayon sa mga limitasyon ng mga pamamaraan ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu; kailangan itong gawin bilang tugon sa tinig ng praktikal na Diyos ngayon. Kapag hindi ito ginawa, walang saysay ang lahat, tulad ng pagtatangkang sumalok ng tubig gamit ang isang basket na kawayan. Ito rin ang praktikal na kahulugan ng pagpapahayag ng mga kautusan ng bagong kapanahunan. Kung susunod ang mga tao sa mga kautusan, kahit paano ay dapat nilang makilala ang praktikal na Diyos na nagpapakita sa katawang-tao, nang hindi nalilito. Sa madaling salita, dapat unawain ng mga tao ang mga prinsipyo ng pagsunod sa mga kautusan. Ang pagsunod sa mga kautusan ay hindi nangangahulugan ng pagsunod sa mga ito nang hindi maayos o hindi makatwiran, kundi pagsunod sa mga ito nang may batayan, may layunin, at may mga prinsipyo. Ang unang bagay na kakamtan ay ang maging malinaw ang inyong mga pananaw. Kung mayroon kang ganap na pagkaunawa sa gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan, at kung papasok ka sa mga pamamaraan ngayon ng gawain, likas kang magtatamo ng malinaw na pagkaunawa sa pagsunod sa mga kautusan. Kung dumating ang araw na malinaw mong nakikita ang diwa ng mga kautusan ng bagong kapanahunan at nasusunod ang mga kautusan, nagawa ka nang perpekto. Ito ang praktikal na kabuluhan ng pagsasagawa ng katotohanan at pagsunod sa mga kautusan. Maisasagawa mo man ang katotohanan o hindi ay depende sa kung paano mo nahihiwatigan ang diwa ng mga kautusan ng bagong kapanahunan. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay patuloy na magpapakita sa tao, at darami pang lalo ang kakailanganin ng Diyos sa tao. Samakatuwid, ang mga katotohanang talagang isinasagawa ng tao ay darami pa, at magiging mas mahirap, at ang mga epekto ng pagsunod sa mga kautusan ay magiging mas malalim. Samakatuwid, kailangang sabay ninyong isagawa ang katotohanan at sundin ang mga kautusan. Walang sinumang dapat magpabaya sa bagay na ito; hayaang sabay na magsimula ang bagong katotohanan at mga bagong kautusan sa bagong kapanahunang ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsunod sa mga Kautusan at Pagsasagawa ng Katotohanan
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 428
Maraming taong nakapagsasalita nang kaunti tungkol sa pagsasagawa at nakapagsasalita sila tungkol sa kanilang mga pansariling palagay, ngunit pagpapaliwanag na nakamit mula sa mga salita ng iba ang karamihan ng ito. Hindi man lamang kabilang dito ang anumang nagmumula sa kanilang pansariling mga pagsasagawa, ni hindi kabilang dito ang nakikita nila mula sa kanilang mga karanasan. Hinimay Ko ang usaping ito noong una pa man; huwag mong isiping wala Akong alam. Isa ka lamang papel na tigre, subalit nagsasalita ka tungkol sa paglupig kay Satanas, sa pagkakaroon ng matatagumpay na patotoo, at sa pagsasabuhay sa larawan ng Diyos? Walang kabuluhan ang lahat ng ito! Iniisip mo bang ang lahat ng mga salitang sinabi ng Diyos ngayon ay para hangaan mo? Nagsasabi ang bibig mo tungkol sa pagtalikod sa dati mong sarili at pagsagawa ng katotohanan, subalit iba ang ginagawa ng mga kamay mo at nagbabalak ng ibang mga pakana ang puso mo—anong klaseng tao ka? Bakit hindi iisa’t pareho ang puso at mga kamay mo? Napakaraming pangaral ang naging hungkag na mga salita; hindi ba ito makadurog-puso? Kung hindi mo maisagawa ang salita ng Diyos, pinatutunayan nito na hindi ka pa nakapapasok sa paraan ng pagkilos ng Banal na Espiritu, na wala pa sa loob mo ang gawain ng Banal na Espiritu, at hindi ka pa nagkakaroon ng paggabay Niya. Kung sinasabi mong nauunawaan mo lamang ang salita ng Diyos ngunit hindi mo naisasagawa ito, kung gayon isa kang taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Hindi darating ang Diyos upang iligtas ang ganitong klaseng tao. Nagdusa si Jesus ng napakatinding paghihirap noong ipako Siya sa krus upang iligtas ang mga makasalanan, iligtas ang mga maralita, at upang iligtas ang lahat yaong mga mapagkumbabang tao. Nagsilbing handog para sa kasalanan ang pagkakapako Niya sa krus. Kung hindi mo maisasagawa ang salita ng Diyos, kung gayon dapat kang umalis sa lalong madaling panahon; huwag kang magtagal sa tahanan ng Diyos bilang isang manghuhuthot. Nahihirapan pa ang maraming mga tao na pigilan ang kanilang mga sarili mula sa paggawa ng mga bagay na malinaw na lumalaban sa Diyos. Hindi ba sila humihingi ng kamatayan? Paano sila nakapagsasalita tungkol sa pagpasok sa kaharian ng Diyos? May tapang kaya silang makita ang mukha ng Diyos? Ang pagkain ng mga pagkaing ipinagkakaloob ng Diyos sa iyo, ang paggawa ng buktot na mga bagay na sumasalungat sa Diyos, ang pagiging mapaghangad ng masama, lihim na mapanira, at mapagpakana, kahit habang pinahihintulutan ng Diyos na matamasa mo ang mga biyayang ipinagkaloob Niya sa iyo—hindi mo ba nararamdamang sinusunog ng mga ito ang mga kamay mo kapag tinatanggap mo sila? Hindi mo ba nararamdaman ang pamumula ng mukha mo? Sa pagkakagawa ng isang bagay na sumasalungat sa Diyos, sa pagpapatupad ng mga pakana upang “maging tampalasan,” hindi ka ba natatakot? Kung wala kang nararamdaman, paano ka nakapagsasalita ng anuman tungkol sa kinabukasan? Wala nang kinabukasan para sa iyo noong una pa man, kaya ano pang mas higit na pag-asa ang mayroon ka? Kung magsasalita ka ng isang walang-kahihiyang bagay ngunit wala kang nararamdamang kahihiyan, at ang puso mo ay walang kamalayan, kung gayon hindi ba ito nangangahulugang pinabayaan ka na ng Diyos? Naging likas na sa iyo ang magsalita at kumilos nang walang pakundangan at walang pagpipigil; paano ka pang magagawang perpekto ng Diyos nang ganito? Magagawa mo bang lakarin ang buong daigdig? Sino ang makukumbinsi sa iyo? Lalayo yaong mga nakakikilala sa totoo mong kalikasan. Hindi ba ito kaparusahan ng Diyos? Sa kabuuan, kung puro salita lamang at walang pagsasagawa, walang paglago. Bagama’t maaaring gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu habang nagsasalita ka, kung hindi ka nagsasagawa, titigil ang Banal na Espiritu sa paggawa. Kung magpapatuloy kang ganito, paano magkakaroon ng anumang usapan tungkol sa kinabukasan o pagbibigay ng buong pagkatao mo sa gawain ng Diyos? Nasasabi mo lang ang pag-aalay ng buong katauhan mo, subalit hindi mo pa naibibigay ang tunay mong pagmamahal sa Diyos. Debosyong salita lamang ang natatanggap Niya mula sa iyo; hindi ibinibigay sa Kanya ang layunin mong isagawa ang katotohanan. Ito nga ba ang aktwal mong katayuan? Kung magpapatuloy kang ganito, kailan ka magagawang perpekto ng Diyos? Hindi ka ba nababahala sa madilim at malungkot mong kinabukasan? Hindi mo ba nararamdaman na nawalan na ng pag-asa ang Diyos sa iyo? Hindi mo ba alam na ninanais ng Diyos na gawing perpekto ang mas marami at mas bagong mga tao? Kaya bang manatili ng mga lumang bagay? Hindi mo binibigyang pansin ang mga salita ng Diyos ngayon: Naghihintay ka ba ng bukas?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Isang Taong Nagkakamit ng Kaligtasan ay Yaong Nakahandang Isagawa ang Katotohanan
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 429
Ang hawakan ang mga salita ng Diyos at magawang ipaliwanag ang mga ito nang hindi nahihiya ay hindi nangangahulugan na taglay mo ang realidad; ang mga bagay ay hindi kasing-simple ng iyong iniisip. Kung nagtataglay ka ng realidad ay hindi nababatay sa kung ano ang iyong sinasabi; sa halip, nababatay ito sa iyong isinasabuhay. Kapag naging buhay at likas na pagpapahayag mo ang mga salita ng Diyos, saka lamang masasabi na taglay mo ang realidad, at saka ka lamang maituturing na nagkamit ng tunay na pagkaunawa at totoong tayog. Kailangan mong matagalan ang pagsusuri sa loob ng mahabang panahon, at kailangan mong maisabuhay ang wangis na hinihingi ng Diyos. Hindi ito dapat maging pakitang-tao lamang; kailangan itong likas na dumaloy mula sa iyo. Saka ka lamang tunay na magtataglay ng realidad, at saka ka lamang magkakamit ng buhay. Hayaan mong gumamit Ako ng halimbawa ng pagsubok sa mga tagasilbi na pamilyar sa lahat: Maaaring ialok ng sinuman ang pinakamatatayog na teorya tungkol sa mga tagasilbi, at lahat ay may maayos na pagkaunawa tungkol sa paksa; pinag-uusapan nila iyon at bawat pananalita ay mas magaling kaysa sa huli, na para bang isang paligsahan iyon. Gayunman, kung hindi pa sumailalim ang tao sa isang malaking pagsubok, napakahirap sabihin na may maibabahagi siyang magandang patotoo. Sa madaling salita, kulang na kulang pa rin ang pagsasabuhay ng tao, lubos na salungat sa kanyang pagkaunawa. Kung gayon, kailangan pa itong maging totoong tayog ng tao, at hindi pa ito buhay ng tao. Dahil hindi pa nadadala sa realidad ang pagkaunawa ng tao, para pa ring kastilyong itinayo sa buhangin ang kanyang tayog, na umuuga at nasa bingit ng pagguho. Lubhang kakaunti ang taglay na realidad ng tao; halos imposibleng makahanap ng anumang realidad sa tao. Lubhang kakaunti ang realidad na likas na dumadaloy mula sa tao, at lahat ng realidad na isinasabuhay nila ay sapilitan. Iyan ang dahilan kaya Ko sinasabi na walang taglay na realidad ang tao. Bagama’t sinasabi ng mga tao na hindi nagbabago ang kanilang pagmamahal sa Diyos kailanman, ito lamang ang sinasabi nila bago sila naharap sa anumang mga pagsubok. Balang araw, kapag bigla silang naharap sa mga pagsubok, muling hindi aayon sa realidad ang mga bagay na sinasabi nila, at minsan pa itong magpapatunay na walang taglay na realidad ang tao. Masasabi na tuwing nahaharap ka sa mga bagay na hindi akma sa iyong mga kuru-kuro at na kinakailangang isantabi mo ang iyong sarili, ang mga bagay na iyon ang mga pagsubok sa iyo. Bago mahayag ang kalooban ng Diyos, lahat ay nagdaraan sa isang mahigpit na pagsusuri at napakalaking pagsubok. Naaarok mo ba ito? Kapag gusto ng Diyos na subukin ang mga tao, palagi Niya silang hinahayaang pumili bago ibunyag ang aktwal na katotohanan. Ibig sabihin, kapag isinasailalim ng Diyos ang tao sa mga pagsubok, hindi Niya kailanman sasabihin sa iyo ang katotohanan; sa ganyang paraan inilalantad ang mga tao. Isang paraan ito ng pagsasagawa ng Diyos ng Kanyang gawain, upang makita kung kilala mo ang Diyos ngayon, at kung nagtataglay ka ng anumang realidad. Talaga bang wala kang mga pagdududa tungkol sa gawain ng Diyos? Magagawa mo bang tunay na manindigan kapag dumating sa iyo ang isang matinding pagsubok? Sino ang nangangahas na magsabing, “Ginagarantiyahan ko na walang magiging mga problema”? Sino ang nangangahas na igiit na, “Maaaring may mga pagdududa ang iba, pero hindi ako kailanman”? Kagaya lamang noong isailalim si Pedro sa mga pagsubok: Palagi siyang nagyayabang bago nahayag ang katotohanan. Hindi natatangi kay Pedro ang personal na kapintasang ito; ito ang pinakamalaking hirap na kasalukuyang kinakaharap ng bawat tao. Kung bibisitahin Ko ang ilang lugar o ang ilang kapatid upang tingnan kung ano ang inyong pagkaunawa sa gawain ng Diyos ngayon, tiyak na marami kayong masasabi tungkol sa inyong kaalaman, at magmumukhang wala kayong anumang pagdududa. Kung tatanungin Ko kayo, “Maaari mo ba talagang matukoy na ang gawain ngayon ay isinasagawa ng Diyos Mismo? Nang walang anumang pagdududa?” tiyak na isasagot mong, “Walang anumang pagdududa, ito ang gawaing isinasagawa ng Espiritu ng Diyos.” Kapag nakasagot ka na sa gayong paraan, tiyak na hindi ka makararamdam ni katiting na pagdududa, at baka nga medyo masiyahan ka pa, na iniisip na nagkamit ka na ng kaunting realidad. Yaong mga malamang na makaunawa sa mga bagay-bagay sa ganitong paraan ay mga taong nagtataglay ng kaunting realidad; habang lalong iniisip ng isa na nakamit na niya ito, lalong hindi niya magagawang manindigan kapag naharap siya sa mga pagsubok. Kaawa-awa ang mayayabang at hambog, at kaawa-awa ang mga hindi nakakakilala sa kanilang sarili; ang gayong mga tao ay magaling magsalita, subalit pinaka-hindi magawa ang sinasabi nila. Sa pinakamaliit na tanda ng problema, nagsisimulang magkaroon ng mga pagdududa ang mga taong ito, at sumasagi sa kanilang isipan ang pagsuko. Wala silang taglay na anumang realidad; ang tanging mayroon sila ay mga teorya na mas matayog pa sa relihiyon, na walang anumang realidad na kinakailangan ngayon ng Diyos. Ang labis Kong kinaiinisan ay yaong mga bumabanggit lamang ng mga teorya nang walang anumang taglay na realidad. Sila ang pinakamalakas sumigaw kapag nagsasagawa ng kanilang gawain, ngunit sa sandaling nahaharap sila sa realidad, nababagabag sila. Hindi ba ito nagpapakita na walang realidad ang mga taong ito? Gaano man kabagsik ang hangin at mga alon, kung nakakaya mong manatiling nakatayo nang wala ni katiting na pagdududang pumapasok sa iyong isipan, at nakakaya mong manindigan at manatiling malaya sa pagtanggi, kahit wala nang iba pang natitira, ituturing kang mayroong totoong pagkaunawa at tunay na nagtataglay ng realidad. Kung magpapatangay ka sa ihip ng hangin—kung susundan mo ang karamihan, at natututo kang ulitin ang pananalita ng iba—gaano ka man kahusay magsalita, hindi iyan katibayan na taglay mo ang realidad. Kung gayon, iminumungkahi Ko na huwag kang sumigaw ng hungkag na mga salita nang wala sa panahon. Alam mo ba kung ano ang gagawin ng Diyos? Huwag kumilos na parang isa ka pang Pedro, kung hindi ay magdudulot ka ng kahihiyan sa iyong sarili at hindi ka na makapagtataas ng ulo; hindi iyon makabubuti kahit kanino. Karamihan sa mga tao ay walang totoong tayog. Bagama’t napakarami nang nagawang gawain ang Diyos, hindi pa Niya naihahatid ang realidad sa mga tao; para mas eksakto, hindi pa Niya nakastigo nang personal ang sinuman kailanman. Ang ilang tao ay nalantad na sa gayong mga pagsubok, ang kanilang makasalanang mga kamay ay palayo nang palayo, iniisip na madaling malamangan ang Diyos, na kaya nilang gawin ang anumang gusto nila. Yamang hindi nila kayang matagalan maging ang ganitong uri ng pagsubok, lalo na ang mas mahihirap pa na pagsubok para sa kanila, gayon din ang pagtataglay ng realidad. Hindi ba sinusubukan lamang nilang lokohin ang Diyos? Ang pagkakaroon ng realidad ay hindi isang bagay na maaaring dayain, ni hindi isang bagay ang realidad na makakamit mo sa pamamagitan ng pag-alam dito. Depende iyon sa iyong totoong tayog, gayon din kung kaya mong matagalan ang lahat ng pagsubok o hindi. Nauunawaan mo ba?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan ang Pagtataglay ng Realidad
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 430
Hindi lamang kakayahang magsalita tungkol sa realidad ang kinakailangan ng Diyos sa mga tao; napakadali sana niyan, hindi ba? Kung gayon, bakit binabanggit ng Diyos ang pagpasok sa buhay? Bakit Siya nagsasalita tungkol sa pagbabago? Kung ang kaya lamang ng mga tao ay hungkag na pananalita tungkol sa realidad, magkakamit ba sila ng pagbabago sa kanilang disposisyon? Ang mabubuting kawal ng kaharian ay hindi sinanay na maging isang grupo ng mga tao na kaya lamang magsalita tungkol sa realidad o magyabang; sa halip, sinanay silang isabuhay ang mga salita ng Diyos sa lahat ng oras, manatiling hindi sumusuko anumang mga dagok ang kinakaharap nila, at patuloy na mamuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos at huwag bumalik sa mundo. Ito ang realidad na sinasabi ng Diyos; ito ang kinakailangan ng Diyos sa tao. Sa gayon, huwag isiping napakadali ng realidad na binabanggit ng Diyos. Ang kaliwanagan lamang mula sa Banal na Espiritu ay hindi kapantay ng pagtataglay ng realidad. Hindi gayon ang tayog ng tao—ito ang biyaya ng Diyos, kung saan walang iniaambag ang tao. Bawat tao ay kailangang tiisin ang mga pagdurusa ni Pedro, at, higit pa rito, taglayin ang kaluwalhatian ni Pedro, na kanilang isinasabuhay matapos nilang matamo ang gawain ng Diyos. Ito lamang ang matatawag na realidad. Huwag isipin na taglay mo ang realidad dahil lamang sa kaya mong magsalita tungkol dito; maling akala iyan. Ang gayong mga saloobin ay hindi naaayon sa kalooban ng Diyos at walang tunay na kabuluhan. Huwag mong sabihin ang gayong mga bagay sa hinaharap—pawiin ang gayong mga kasabihan! Lahat ng may maling pagkaunawa sa mga salita ng Diyos ay mga walang pananampalataya. Wala silang anumang tunay na kaalaman, lalo nang walang anumang totoong tayog; sila ay mga mangmang na walang realidad. Sa madaling salita, lahat ng nabubuhay sa labas ng diwa ng mga salita ng Diyos ay mga walang pananampalataya. Yaong mga itinuturing ng mga tao na walang pananampalataya ay mga hayop sa mga mata ng Diyos, at yaong mga itinuturing ng Diyos na mga walang pananampalataya ay mga taong walang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay. Kung gayon ay masasabi na yaong mga hindi nagtataglay ng realidad ng mga salita ng Diyos at bigong isabuhay ang Kanyang mga salita ay mga walang pananampalataya. Ang layunin ng Diyos ay ipasabuhay sa lahat ang realidad ng Kanyang mga salita—hindi lamang basta mapagsalita ang lahat tungkol sa realidad, kundi, higit pa riyan, bigyang kakayahan ang lahat na isabuhay ang realidad ng Kanyang mga salita. Ang realidad na nahihiwatigan ng tao ay napakababaw; wala itong halaga at ni hindi nito matutupad ang kalooban ng Diyos. Napakaaba nito at ni hindi nararapat banggitin. Kulang na kulang ito at napakalayo sa mga pamantayan ng mga kinakailangan ng Diyos. Bawat isa sa inyo ay isasailalim sa isang matinding pagsisiyasat upang makita kung sino sa inyo ang nakaaalam lamang kung paano magsalita tungkol sa inyong pagkaunawa nang hindi nagagawang ituro ang landas, gayundin upang matuklasan kung sino sa inyo ang mga walang-silbing basura. Tandaan ito mula ngayon! Huwag magsalita tungkol sa hungkag na kaalaman; magsalita lamang tungkol sa landas ng pagsasagawa at tungkol sa realidad. Ang paglipat mula sa tunay na kaalaman tungo sa tunay na pagsasagawa, at pagkatapos ay paglipat mula sa pagsasagawa tungo sa tunay na pagsasabuhay. Huwag pangaralan ang iba, at huwag magsalita tungkol sa tunay na kaalaman. Kung ang iyong pagkaunawa ay isang landas, malaya kayong magsalita tungkol doon; kung hindi, mangyaring itikom mo ang bibig mo at tumigil ka sa pagsasalita! Walang silbi ang sinasabi mo. Binabanggit mo ang pag-unawa upang linlangin ang Diyos at inggitin ang iba. Hindi ba iyon ang ambisyon mo? Hindi ba sadya mong pinaglalaruan ang iba? Mayroon bang anumang halaga ito? Kung nagsasalita ka tungkol sa pag-unawa pagkatapos mo iyong maranasan, hindi nila iisipin na nagyayabang ka. Kung hindi, isa kang taong nagbubuga ng mga salita ng pagyayabang. Maraming bagay sa iyong totoong karanasan na hindi mo madaig, at hindi ka maaaring maghimagsik laban sa sarili mong laman; palagi mong ginagawa ang gusto mo, hindi mo pinalulugod kailanman ang kalooban ng Diyos—subalit malakas pa rin ang loob mong magsalita tungkol sa teoretikal na pag-unawa. Wala kang kahihiyan! Ang tapang mo pa ring magsalita tungkol sa iyong pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Wala kang pakundangan! Ang pagdidiskurso at pagyayabang ay naging likas na sa iyo, at nakasanayan mo nang gawin iyon. Tuwing nanaisin mong magsalita, ginagawa mo iyon nang madali, ngunit pagdating sa pagsasagawa, ang dami mong sinasabi. Hindi ba ito isang paraan ng panloloko sa iba? Maaari mong malinlang ang mga tao, ngunit hindi malilinlang ang Diyos. Ang mga tao ay walang kamalayan at walang pagkahiwatig, ngunit seryoso ang Diyos tungkol sa gayong mga bagay, at hindi ka Niya palalampasin. Maaaring mamagitan ang iyong mga kapatid para sa iyo, pupurihin nila ang iyong pagkaunawa at hahangaan ka, ngunit kung wala kang realidad, hindi ka palalampasin ng Banal na Espiritu. Marahil ay hindi ka hahanapan ng mali ng praktikal na Diyos, ngunit hindi ka papansinin ng Espiritu ng Diyos, at sapat ang hirap niyon para pasanin mo. Naniniwala ka ba rito? Magsalita ka pa tungkol sa realidad ng pagsasagawa; nalimutan mo na ba? Magsalita ka pa tungkol sa praktikal na mga landas; nalimutan mo na ba? “Huwag gaanong magsalita tungkol sa matatayog na teorya at walang-halaga at pinalaking usapan; ang pinakamabuting gawin ay magsimulang magsagawa mula ngayon.” Nalimutan mo na ba ang mga salitang ito? Ni hindi mo man lamang ba nauunawaan? Wala ka bang pag-unawa tungkol sa kalooban ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan ang Pagtataglay ng Realidad
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 431
Dapat ay pinag-aaralan na ninyo ang mas makatotohanang mga aralin. Hindi kinakailangan ang mga mabulaklak na walang kabuluhang pananalita na hinahangaan ng mga tao. Pagdating sa pagsasalita tungkol sa kaalaman, ang bawat tao ay mas nakatataas kaysa sa nauna sa kanya, ngunit wala pa rin silang landas sa pagsasagawa. Gaano karaming tao ang nakaiintindi sa mga prinsipyo ng pagsasagawa? Gaano karami ang natuto ng mga tunay na aral? Sino ang makikipagbahagian tungkol sa realidad? Ang makapagsalita tungkol sa kaalaman sa mga salita ng Diyos ay hindi nangangahulugan na ikaw ay nagtataglay ng tunay na tayog; ipinakikita lamang nito na ikaw ay isinilang na matalino at likas na magaling. Wala pa rin itong saysay kung hindi mo maituturo ang daan, at ikaw ay magiging isang walang kabuluhang basura! Hindi ka ba nagpapanggap kung wala kang masasabi tungkol sa isang tunay na landas sa pagsasagawa? Hindi ka ba nagkukunwari kung hindi mo maiaalok ang iyong sariling mga karanasan sa iba, upang sa gayon ay mabigyan mo sila ng mga aral na maaari nilang matutunan o isang landas na maaari nilang sundan? Hindi ka ba mapanlinlang? Anong halaga ang taglay mo? Magagampanan lamang ng ganitong tao ang bahagi ng “imbentor ng teorya ng sosyalismo,” hindi ang “tagaambag sa pagpapairal ng sosyalismo.” Ang hindi pagkakaroon ng realidad ay hindi pagkakaroon ng katotohanan. Ang hindi pagkakaroon ng realidad ay pagiging walang silbi. Ang hindi pagkakaroon ng realidad ay pagiging isang bangkay na naglalakad. Ang hindi pagkakaroon ng realidad ay pagiging isang “Marxist-Leninist na palaisip,” na walang tinutukoy na halaga. Hinihimok Ko kayo na manahimik tungkol sa mga teorya at magsalita tungkol sa isang bagay na totoo, isang bagay na tunay at mahalaga; pag-aralan ang ilang “makabagong sining,” magsabi ng isang bagay na makatotohanan, mag-ambag ng isang bagay na totoo, at magkaroon ng espiritu ng dedikasyon. Harapin ang realidad kapag ikaw ay nagsasalita; huwag makibahagi sa di-makatotohanan at labis na pagsasalita upang paligayahin ang mga tao o umupo at pansinin ka. Nasaan ang halaga dito? Ano ang saysay ng paghikayat sa mga tao na maging magiliw sa iyo? Maging mas “masining” pa nang kaunti sa iyong pananalita, maging mas patas pa nang kaunti sa iyong pagkilos, maging mas makatwiran pa nang kaunti sa pangangasiwa mo sa mga bagay-bagay, maging mas praktikal pa nang kaunti sa iyong pananalita, isipin ang pagbibigay ng pakinabang sa tahanan ng Diyos sa iyong bawat kilos, makinig sa iyong konsensya tuwing ikaw ay nagiging emosyonal, huwag tumbasan ang kagandahang-loob ng pagkasuklam, o maging di-mapagpasalamat sa kagandahang loob, at huwag maging isang ipokrito, kundi baka ikaw ay maging isang masamang impluwensiya. Kapag kinakain mo at iniinom ang mga salita ng Diyos, mas iugnay mo ang mga ito sa realidad, at kapag ikaw ay nakikipagbahagian, mas magsalita tungkol sa makatotohanang mga bagay. Huwag maging mapanghamak; hindi ito nakapagbibigay-kasiyahan sa Diyos. Sa mga pakikihalubilo mo sa iba, maging mas mapagparaya pa nang kaunti, mas mapagbigay pa nang kaunti, mas marangal pa nang kaunti, at matuto mula sa “espiritu ng punong ministro.”[a] Kapag mayroon kang mga naiisip na hindi maganda, lalo pang isagawa ang pagtalikod sa laman. Kapag ikaw ay nagtatrabaho, mas magsalita ka tungkol sa makatotohanang mga landas, at huwag kang masyadong maging mataas, kung hindi, ang mga sinasabi mo ay hindi maaabot ng mga tao. Mas kaunting kagalakan, mas maraming ambag—ipakita ang iyong hindi makasariling espiritu ng dedikasyon. Mas isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, mas makinig sa iyong konsensya, maging mas maingat, at huwag kalimutan kung paano nakikipag-usap nang matiyaga at matapat sa inyo ang Diyos araw-araw. Basahin ang “lumang almanak” nang mas madalas. Manalangin nang mas madalas at makipagbahagian nang mas madalas. Huwag magpatuloy sa kalituhan; magpakita ng katinuan at dagdagan ang kaalaman. Kapag lumalabas ang iyong makasalanang kamay, hilahin mo ito pabalik; huwag itong hayaang maka-abot nang malayo. Wala itong pakinabang, at ang makukuha ninyo mula sa Diyos ay walang iba kundi mga sumpa, kaya maging maingat. Hayaan ninyong mahabag ang inyong puso sa iba at huwag palaging sumalakay na may hawak na mga sandata. Mas makipagbahagian tungkol sa kaalaman ng katotohanan at mas magsalita tungkol sa buhay, habang pinananatili ang espiritu ng pagtulong sa iba. Gumawa ng mas marami at magsalita nang mas kaunti. Mas maglaan sa pagsasagawa at bawasan ang pananaliksik at pagsusuri. Hayaang mas antigin kayo ng Banal na Espiritu, at bigyan ang Diyos ng mas maraming mga pagkakataon upang gawin kayong perpekto. Alisin ang mas maraming elemento ng tao; taglay mo pa rin ang napakaraming pamamaraan ng tao sa paggawa ng mga bagay, at ang iyong mababaw na paraan ng paggawa ng mga bagay at pag-uugali ay kasuklam-suklam pa rin sa iba: Alisin mo pa ang mas marami sa mga ito. Ang kalagayan ng iyong pag-iisip ay masyadong kasuklam-suklam pa rin; maglaan ng mas maraming oras upang baguhin ito. Binibigyan mo pa rin ang mga tao ng labis na katayuan; magbigay ng mas maraming katayuan sa Diyos at huwag maging di-makatwiran. Ang “templo” ay laging nasa pagmamay-ari ng Diyos at hindi dapat sakupin ng mga tao. Sa madaling salita, magtuon ng mas malaking pansin sa pagiging matuwid at bawasan ang pagtutuon sa mga nararamdaman. Pinakamainam na iwaksi ang laman. Mas magsalita tungkol sa realidad at bawasan ang pagsasalita tungkol sa kaalaman. Ang pinakamainam ay ang maging tahimik at huwag magsalita. Mas magsalita tungkol sa landas ng pagsasagawa, at bawasan ang walang kabuluhang pagyayabang. Pinakamainam na simulan ang pagsasagawa nito ngayon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Magtuon ng Higit na Pansin sa Realidad
Talababa:
a. Ang espiritu ng punong ministro: Isang klasikong kasabihang Tsino na ginagamit para isalarawan ang isang tao na malawak ang pang-unawa at mapagkawanggawa.
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 432
Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay hindi ganoon katayog. Hangga’t masipag at taos-pusong nagsasagawa ang mga tao, tatanggap sila ng “pasadong marka.” Ang totoo, mas kumplikado pa ang pagtatamo ng pagkaunawa, kaalaman, at pagkaintindi sa katotohanan kaysa sa pagsasagawa ng katotohanan. Isagawa mo muna ang sa abot ng nauunawaan mo at isagawa kung anong naintindihan mo. Sa ganitong paraan, magagawa mong unti-unting makamit ang tunay na kaalaman at pagkaintindi sa katotohanan. Ito ang mga hakbang at kaparaanan kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu. Kung hindi mo isasagawa ang pagsunod sa ganitong paraan, wala kang makakamit. Kung lagi kang kumikilos ayon sa sarili mong kagustuhan, at hindi isinasagawa ang pagsunod, gagawa ba ang Banal na Espiritu sa loob mo? Gumagawa ba ang Banal na Espiritu ayon sa gusto mo? O gumagawa ba Siya ayon sa kung ano ang kulang sa iyo, at batay sa mga salita ng Diyos? Kung hindi ito malinaw sa iyo, hindi ka makakapasok sa realidad ng katotohanan. Bakit ba labis na nagsisikap ang karamihan sa mga tao sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, ngunit nagkamit lamang ng kaalaman at walang masabing anuman tungkol sa isang tunay na landas pagkatapos? Sa palagay mo, ang pagkakaroon ba ng kaalaman ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng katotohanan? Hindi ba ito isang magulong pananaw? Nagagawa mong magsabi ng kaalaman na kasingdami ng buhangin sa dalampasigan, subalit wala sa mga ito ang nagtataglay ng anumang tunay na landas. Hindi ka ba nagtatangkang linlangin ang mga tao sa pamamagitan ng paggawa nito? Hindi ka ba gumagawa ng isang walang kabuluhang palabas na walang anumang diwang sumusuporta rito? Ang lahat ng ganitong pag-uugali ay nakapipinsala sa mga tao! Kapag mas mataas ang teorya at mas walang katotohanan, mas walang kakayahan ito na dalhin ang mga tao sa realidad. Kapag mas mataas ang teorya, mas ginagawa ka nitong suwail at salungat sa Diyos. Huwag mong tangkilikin ang espirituwal na teorya—wala itong kabuluhan! Pinag-uusapan ng ilang tao ang tungkol sa espirituwal na teorya sa loob ng mga dekada, at sila’y naging mga bigatin sa larangan ng pagiging espirituwal, subalit sa huli, bigo pa rin silang makapasok sa realidad ng katotohanan. Dahil hindi nila isinagawa o naranasan ang mga salita ng Diyos, wala silang mga prinsipyo o landas sa pagsasagawa. Walang realidad ng katotohanan ang mga taong kagaya nito, kaya paano nila maaakay ang ibang tao sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos? Ang kaya lamang nila ay iligaw ang mga tao. Hindi ba ito pagpinsala sa iba at sa kanilang sarili? Kahit papaano man lang, dapat magawa mong lutasin ang mga totoong problema na nasa harapan mo mismo. Ibig sabihin, dapat magawa mong isagawa at maranasan ang mga salita ng Diyos, at maisagawa ang katotohanan. Ito lamang ang pagsunod sa Diyos. Magiging kwalipikado ka lamang magtrabaho para sa Diyos kapag nakapasok ka na sa buhay, at sasang-ayunan ka lamang ng Diyos kapag taos-puso kang gumugol para sa Diyos. Huwag kang laging magbitiw ng matatayog na salita at magsalita ng mabulaklak na teorya; hindi ito totoo. Ang pagmamarunong sa espirituwal na teorya para hangaan ka ng mga tao ay hindi pagpapatotoo sa Diyos, kundi pagpapakitang-gilas. Hinding-hindi ito kapaki-pakinabang sa mga tao at hindi nakapagpapatibay sa kanila, at madali silang maibubuyo nito para sumamba sa espirituwal na teorya at hindi tumuon sa pagsasagawa ng katotohanan—at hindi ba ito pagliligaw sa mga tao? Kung magpapatuloy nang ganito, lilitaw ang napakaraming walang kabuluhang teorya at tuntunin na pipigil at sisilo sa mga tao; ito’y tunay na pasakit. Kaya lalong magsabi ng totoo, magsalita pa tungkol sa mga problemang talagang umiiral, gumugol pa ng mas maraming oras sa paghahanap ng katotohanan para malutas ang mga totoong problema; ito ang pinakamahalaga. Huwag ipagpaliban na matutong isagawa ang katotohanan: Ito ang landas sa pagpasok sa realidad. Huwag mong angkinin bilang sarili mong pribadong pag-aari ang karanasan at kaalaman ng ibang tao at huwag ipagmalaki ang mga ito upang hangaan ng iba. Dapat magkaroon ka ng sarili mong pagpasok sa buhay. Sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng katotohanan at pagsunod sa Diyos ka magkakaroon ng pagpasok sa buhay. Ito ang dapat isinasagawa at pinagtutuunan ng bawat tao.
Kung ang iyong pakikipagbahagian ay makapagbibigay sa mga tao ng isang landas na susundan, ito ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng realidad. Anuman ang iyong sasabihin, dapat mong madala ang mga tao sa pagsasagawa at mabigyan silang lahat ng isang landas na susundan. Huwag mo silang pahintulutang magkaroon lamang ng kaalaman; ang mas mahalaga ay ang pagkakaroon ng landas na maaaring tahakin. Upang ang mga tao ay maniwala sa Diyos, dapat nilang tahakin ang landas na pinangungunahan ng Diyos sa Kanyang gawain. Ibig sabihin, ang proseso ng paniniwala sa Diyos ay ang proseso ng pagtahak sa landas na pinangungunahan ng Banal na Espiritu. Alinsunod dito, dapat kang magkaroon ng isang landas na tatahakin mo anuman ang mangyari, at dapat kang tumapak sa landas kung saan ay gagawin kang perpekto ng Diyos. Huwag kang masyadong magpahuli, at huwag mong alalahanin ang napakaraming bagay. Matatanggap mo lamang ang gawain ng Banal na Espiritu at makakamit ang daan papasok kung tatahakin mo ang landas na pinangungunahan ng Diyos nang walang pagkaantala. Ito lamang ang maituturing na naaayon sa mga layunin ng Diyos at sa pagsasakatuparan sa tungkulin ng sangkatauhan. Bilang isang indibidwal sa agos na ito, dapat tuparin nang maayos ng bawat tao ang kanilang tungkulin, mas gawin pa kung ano ang dapat na ginagawa ng mga tao, at huwag kumilos ayon sa kanilang kagustuhan. Dapat gawing malinaw ng mga taong nagpapatupad ng gawain ang kanilang mga salita, dapat na lalong pagtuunan ng mga taong sumusunod ang pagtitiis sa oras ng paghihirap at ang pagsunod, at ang lahat ay dapat na manatili sa kanilang lugar at huwag kumilos nang hindi nararapat. Dapat na maging malinaw sa puso ng bawat tao kung paano sila dapat magsagawa at kung anong tungkulin ang dapat nilang tuparin. Tahakin ang landas na pinangungunahan ng Banal na Espiritu; huwag maliligaw o magkakamali. Dapat ninyong makita nang malinaw ang gawain sa kasalukuyan. Ang pagpasok sa pamamaraan ng gawain sa kasalukuyan ang siyang dapat ninyong isagawa. Ito ang unang bagay na dapat ninyong pasukin. Huwag nang magsayang pa ng anumang mga salita sa ibang mga bagay. Ang paggawa sa gawain ng tahanan ng Diyos sa kasalukuyan ay inyong pananagutan, ang pagpasok sa pamamaraan ng gawain sa kasalukuyan ay inyong tungkulin, at ang pagsasagawa sa katotohanan sa kasalukuyan ay inyong pasanin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Magtuon ng Higit na Pansin sa Realidad
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 433
Ang Diyos ay isang praktikal na Diyos: Lahat ng Kanyang gawain ay praktikal, lahat ng salitang binibigkas Niya ay praktikal, at lahat ng katotohanang ipinahahayag Niya ay praktikal. Wala sa Kanyang mga salita ang hungkag, hindi umiiral, at hindi makatwiran. Ngayon, nariyan ang Banal na Espiritu para gabayan ang mga tao sa mga salita ng Diyos. Kung hahangarin ng mga tao ang makapasok sa realidad, kung gayon ay dapat nilang hanapin ang realidad, at kilalanin ang realidad, at pagkatapos ay dapat nilang maranasan ang realidad, at isabuhay ang realidad. Kapag mas nakikilala ng mga tao ang realidad, mas nakikilala nila kung tunay ang mga salita ng iba; kapag mas nakikilala ng mga tao ang realidad, nagiging mas kaunti ang kanilang mga kuru-kuro; kapag mas nararanasan ng mga tao ang realidad, mas nalalaman nila ang mga gawain ng Diyos ng realidad, at nagiging mas madali para sa kanilang kumalas mula sa kanilang mga tiwali at satanikong disposisyon; kapag mas mayroong realidad ang mga tao, mas nakikilala nila ang Diyos at mas kinamumuhian nila ang laman at minamahal ang katotohanan; at kapag mas mayroong realidad ang mga tao, mas malapit na nilang maabot ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos. Ang mga taong nakamit ng Diyos ay nagtataglay ng realidad, nakakakilala ng realidad, at nakakakilala sa mga tunay na gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pagdanas ng realidad. Kapag mas nakikipagtulungan ka sa Diyos sa praktikal na paraan at dinidisiplina ang iyong katawan, mas matatamo mo ang gawain ng Banal na Espiritu, mas matatamo mo ang realidad, at mas maliliwanagan ka ng Diyos, at sa ganitong paraan, mas lalaki ang iyong kaalaman sa tunay na mga gawain ng Diyos. Kung nakakapamuhay ka sa kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu, kung gayon ay mas magiging mas malinaw sa iyo ang kasalukuyang landas tungo sa pagsasagawa, at mas makakaya mong ihiwalay ang iyong sarili mula sa mga relihiyosong kuru-kuro at lumang gawi ng nakaraan. Ngayon, ang realidad ang pinagtutuunan: Kapag mas mayroong realidad ang mga tao, nagiging mas malinaw ang kanilang kaalaman sa katotohanan, at mas lumalaki ang kanilang pagkaunawa sa kalooban ng Diyos. Napapangibabawan ng realidad ang lahat ng titik at mga doktrina, napapangibabawan nito ang lahat ng teorya at kasanayan, at kapag mas pinagtutuunan ng mga tao ang realidad, mas tunay silang umiibig sa Diyos, at nagugutom at nauuhaw sa Kanyang mga salita. Kung lagi kang nakatuon sa realidad, ang iyong pilosopiya sa buhay, mga relihiyosong kuru-kuro, at likas na katangian ay natural lamang na mabubura kasunod ng gawain ng Diyos. Ang mga hindi naghahangad ng realidad, at walang kaalaman sa realidad, ay malamang na maghahangad ng kababalaghan at madali silang malilinlang. Walang epekto ang Banal na Espiritu sa ganitong mga tao, kung kaya’t nakakaramdam sila ng kahungkagan, at na walang kahulugan ang kanilang mga buhay.
Nagkakaroon lamang ng epekto ang Banal na Espiritu sa iyo kapag ikaw ay tunay na nagsasanay, tunay na naghahanap, tunay na nagdarasal, at handang magpakasakit alang-alang sa paghahanap ng katotohanan. Ang mga hindi naghahanap ng katotohanan ay wala ni anuman kundi mga titik at doktrina, at hungkag na teorya, at ang mga walang katotohanan ay natural na mayroong maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos. Hinahangad lamang ng ganitong mga tao na palitan ng Diyos ang kanilang katawang-lupa ng isang katawang espirituwal nang sa gayon ay maaari silang makaakyat sa ikatlong langit. Kayhahangal ng mga taong ito! Lahat ng nagsasabi ng ganitong mga bagay ay walang kaalaman sa Diyos, o sa realidad; hindi maaaring makipagtulungan sa Diyos ang ganitong mga tao, at maaari lamang maghintay nang walang ginagawa. Upang maunawaan ng mga tao ang katotohanan, at malinaw na makita ang katotohanan, at higit pa rito, upang makapasok sila sa katotohanan at maisagawa ito, dapat silang tunay na magsanay, tunay na maghanap, at tunay na magutom at mauhaw. Kapag nagugutom at nauuhaw ka, at kapag tunay kang nakikipagtulungan sa Diyos, ang Espiritu ng Diyos ay tiyak na aantig sa iyo at magkaka-epekto sa kalooban mo, na siyang magdadala sa iyo ng higit na kaliwanagan, at magbibigay sa iyo ng higit na kaalaman sa realidad, at magiging mas malaking tulong sa iyong buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Makikilala ang Realidad
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 434
Kung nais ng mga tao na makilala ang Diyos, dapat muna nilang malaman na ang Diyos ay isang praktikal na Diyos, at dapat nilang malaman ang mga salita ng Diyos, ang praktikal na pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao, at ang praktikal na gawain ng Diyos. Magagawa mo lamang na tunay na makipagtulungan sa Diyos kapag iyo nang nalaman na ang lahat ng gawain ng Diyos ay praktikal, at sa pagtahak ng landas na ito mo lamang matatamo ang paglago sa iyong buhay. Lahat ng taong walang kaalaman sa realidad ay walang paraan upang maranasan ang mga salita ng Diyos, nabitag ng kanilang mga kuru-kuro, at namumuhay sa kanilang guni-guni, kaya wala silang kaalaman sa mga salita ng Diyos. Kapag mas malaki ang kaalaman mo tungkol sa realidad, mas malapit ka sa Diyos, at mas palagay ang loob mo sa Kanya; kapag mas hinahangad mo ang kalabuan, mga bagay na mahirap unawain, at doktrina, mas malalayo ka sa Diyos, at mas mararamdaman mong nakakapagod at mahirap ang pagdanas sa mga salita ng Diyos, at wala kang kakayahang makapasok. Kung nais mong pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos at patungo sa tamang landas ng iyong espirituwal na pamumuhay, dapat mo munang kilalanin ang realidad at ihiwalay ang iyong sarili mula sa mga bagay na malabo at mga kababalaghan, ang ibig sabihin, dapat mo munang maunawaan kung paano tunay na nagbibigay-liwanag at gumagabay ang Banal na Espiritu sa iyong kalooban. Sa ganitong paraan, kung tunay mong nauunawaan ang tunay na gawain ng Banal na Espiritu sa kalooban ng tao, nakapasok ka na sa tamang daan ng pagiging ginawang perpekto ng Diyos.
Ngayon, nagsisimula ang lahat sa realidad. Ang gawain ng Diyos ang pinakatotoo, at mahihipo ng mga tao; iyon ang maaaring maranasan at maisakatuparan ng mga tao. Kayrami ng malabo at kababalaghan sa mga tao, na siyang pumipigil sa kanila na makilala ang kasalukuyang gawain ng Diyos. Kaya palagi silang lumilihis sa kanilang mga karanasan, at palaging nakararamdam na mahirap ang mga bagay, at ang lahat ng ito ay dulot ng kanilang mga kuru-kuro. Hindi kayang maunawaan ng mga tao ang mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi nila kilala ang realidad, kaya lagi silang negatibo sa kanilang landas ng pagpasok. Tinitingnan nila ang mga hinihingi ng Diyos mula sa malayo at hindi naisasakatuparan ang mga iyon; nakikita lamang nilang tunay na mabubuti ang mga salita ng Diyos, ngunit hindi mahanap ang landas upang makapasok. Gumagawa ang Banal na Espiritu batay sa prinsipyong ito: Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang aktibong pagdarasal, paghahanap at paglapit sa Diyos, matatamo ang mga resulta at maaari silang maliwanagan at matanglawan ng Banal na Espiritu. Hindi totoong kumikilos nang mag-isa ang Banal na Espiritu, o kumikilos ang tao nang mag-isa. Silang dalawa ay lubos na kinakailangan, at kapag mas nakikipagtulungan ang mga tao, at habang mas hinahangad nilang maabot ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos, nagkakaroon ng mas malaking epekto ang Banal na Espiritu. Tanging ang totoong pakikipagtulungan ng mga tao, dagdag sa gawain ng Banal na Espiritu, ang maaaring magbunga ng tunay na mga karanasan at ng kinakailangang kaalaman sa mga salita ng Diyos. Unti-unti, sa pamamagitan ng pagdanas sa ganitong paraan, isang perpektong tao ang maibubunga sa huli. Hindi gumagawa ng mga kababalaghan ang Diyos; sa mga kuru-kuro ng mga tao, ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat, at ang lahat ay gawa ng Diyos—na ang bunga ay ang walang-aksiyong paghihintay ng mga tao, hindi pagbabasa ng mga salita ng Diyos o pagdarasal, at paghihintay na lamang sa pag-antig ng Banal na Espiritu. Samantala ang mga may tamang pagkaunawa ay naniniwala rito: Maaari lamang makasulong hanggang sa aking pakikipagtulungan ang mga pagkilos ng Diyos, at nakasalalay sa paraan ng aking pakikipagtulungan ang epekto ng gawain ng Diyos sa aking kalooban. Kapag nagsasalita ang Diyos, dapat kong gawin ang lahat ng aking makakaya upang mahanap at pagsumikapan ang mga salita ng Diyos; ito ang dapat kong maisakatuparan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Makikilala ang Realidad
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 435
Gaano karaming kaugaliang pangrelihiyon ang sinusunod mo? Ilang beses ka na bang naghimagsik laban sa salita ng Diyos at pinili ang iyong sariling landas? Ilang beses mo na bang naisagawa ang salita ng Diyos dahil tunay mong isinasaalang-alang ang Kanyang mga pasanin at hinahangad mong bigyang-lugod ang Kanyang kalooban? Dapat mong maunawaan ang salita ng Diyos at isagawa ito nang naaayon. Maging maprinsipyo sa lahat ng iyong kilos at gawa, bagama’t hindi ito nangangahulugan na sumunod sa mga patakaran o gumawa ng isang bagay nang labag sa kalooban bilang isa lamang palabas; bagkus, ito ay nangangahulugan na isagawa ang katotohanan at mamuhay ayon sa salita ng Diyos. Tanging ang pagsasagawa na tulad nito ang nakalulugod sa Diyos. Ang anumang pagkilos na nakalulugod sa Diyos ay hindi isang patakaran, kundi isang pagsasagawa ng katotohanan. May pagkahilig ang ilang tao sa pag-akit ng pansin sa kanilang mga sarili. Sa piling ng kanilang mga kapatid, maaari nilang sabihin na may utang na loob sila sa Diyos, ngunit kapag nakatalikod sila, hindi nila isinasagawa ang katotohanan at ganap na iba ang kanilang ikinikilos. Hindi ba sila mga relihiyosong Pariseo? Ang isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos at nagtataglay ng katotohanan ay taong matapat sa Diyos ngunit hindi ito ipinagpapasikat. Ang ganitong tao ay nakahandang isagawa ang katotohanan kapag kinakailangan ng sitwasyon at hindi nagsasalita o kumikilos sa paraang labag sa kanyang konsensya. Nagpapakita siya ng karunungan kapag kinakailangan ng mga bagay-bagay at may prinsipyo siya sa kanyang mga gawa anuman ang kalagayan. Ang taong tulad nito ay kayang tunay na maglingkod. May ilan namang madalas na hanggang salita lamang pagdating sa pagkakautang nila sa Diyos; ginugugol nila ang kanilang mga araw na nakakunot ang noo sa pag-aalala, na nagbabalatkayo, at nagkukunwaring kahabag-habag. Talagang kasuklam-suklam! Kung tatanungin mo sila, “Maaari bang sabihin mo sa akin kung paano ka may utang na loob sa Diyos?” wala silang maisasagot. Kung ikaw ay matapat sa Diyos, huwag mong ipagsabi iyon; bagkus, gamitin mo ang aktwal na pagsasagawa upang ipakita ang iyong pagmamahal sa Diyos, at manalangin ka sa Kanya nang may tapat na puso. Mga mapagpaimbabaw ang lahat ng gumagamit lamang ng salita upang pakitunguhan ang Diyos at gumagawa para lang masabing may nagawa! Ang ilan ay nagsasalita tungkol sa pagkakautang sa Diyos sa bawat panalangin, at nagsisimulang umiyak kapag nananalangin sila, kahit na walang pag-antig ng Banal na Espiritu. Namamayani sa mga taong tulad nito ang mga pangrelihiyong ritwal at kuru-kuro; namumuhay sila ayon sa mga naturang ritwal at kuru-kuro, laging naniniwala na ang mga naturang kilos ay kalugud-lugod sa Diyos, at ang paimbabaw na kabanalan o malulungkot na pagluha ay sinasang-ayunan ng Diyos. Anong kabutihan ang maidudulot ng mga kakatwang taong ito? Upang ipakita ang kanilang pagpapakumbaba, pakunwaring nagpapakita ng kagandahang-loob ang ilan kapag nagsasalita sila sa presensya ng iba. Ang ilan ay sinasadyang maging mapaglingkod sa presensya ng iba, kumikilos na gaya ng isang tupa na walang kahit anong lakas. Naaangkop ba ang ganitong asal sa mga tao ng kaharian? Ang mga tao ng kaharian ay dapat na buhay na buhay at malaya, walang-sala at bukas ang kalooban, tapat at kaibig-ibig, at namumuhay sa kalagayan ng kalayaan. Dapat ay mayroon silang integridad at dignidad, at kaya nilang tumayong saksi saan man sila magpunta; kinalulugdan kapwa ng Diyos at ng tao ang mga ganitong tao. Ang mga baguhan sa pananampalataya ay may napakaraming panlabas na gawi; kailangan muna nilang sumailalim sa isang panahon ng pakikitungo at pagbasag. Ang mga may pananalig sa Diyos sa kanilang mga puso ay hindi kakaiba sa iba sa panlabas, ngunit ang kanilang mga kilos at gawa ay kapuri-puri. Ang mga ganitong tao lamang ang maituturing na nagsasabuhay sa salita ng Diyos. Kung araw-araw kang nangangaral ng ebanghelyo sa iba’t ibang tao sa pagsisikap na madala sila sa kaligtasan, ngunit sa katapusan ay namumuhay ka pa rin sa mga patakaran at doktrina, hindi mo mabibigyan ng luwalhati ang Diyos kung gayon. Ang mga naturang tao ay mga relihiyosong tao, at mga mapagpaimbabaw rin. Sa tuwing nagtitipun-tipon ang mga naturang relihiyosong tao, maaaring itanong nila, “Kapatid, kumusta ka na sa mga araw na ito?” Maaaring sumagot siya, “Pakiramdam ko ay may utang na loob ako sa Diyos at hindi ko nabibigyang-lugod ang Kanyang kalooban.” Maaaring sabihin ng isa pa, “Pakiramdam ko rin ay may utang na loob ako sa Diyos at hindi ko Siya nabibigyang-kasiyahan.” Sa ilang pangungusap at salitang ito pa lang ay nahahayag na ang kasuklam-suklam na mga bagay na nasa loob nila; ang mga naturang salita ay lubhang nakapandidiri at lubos na kasuklam-suklam. Ang kalikasan ng mga ganitong tao ay sumasalungat sa Diyos. Ang mga nakatuon sa realidad ay ipinapahayag kung anuman ang nasa kanilang mga isip at binubuksan ang kanilang mga puso sa pagbabahagi. Hindi sila nakikibahagi sa isa mang bulaang gawa, walang pinapakitang pagkamagalang o mga hungkag na pakikitungo. Lagi silang prangka at walang mga sinusunod na sekular na patakaran. May mga taong may pagkahilig sa pagkukunwari, maging hanggang sa kawalan ng anumang katuturan. Kapag kumakanta ang isa, nagsisimula silang sumayaw, ni hindi man lang napapansin na sunog na ang kaning nasa kanilang palayok. Ang mga naturang uri ng tao ay hindi maka-Diyos o kagalang-galang, at masyadong mababaw. Ang lahat ng ito ay pagpapakita ng kakulangan ng realidad. Kapag ang ilang tao ay nagbabahagi tungkol sa mga bagay sa espiritwal na buhay, bagaman hindi nila binabanggit ang pagkakautang sa Diyos, pinananatili naman nila ang tunay na pagmamahal sa Kanya sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Ang iyong pagkaramdam ng pagkakautang sa Diyos ay walang kinalaman sa ibang tao; may utang na loob ka sa Diyos, hindi sa sangkatauhan. Kaya anong silbi na parati mo itong binabanggit sa iba? Kailangang bigyan mo ng halaga ang pagpasok sa realidad, hindi ang panlabas na sigasig o pakitang-tao. Ano ang kinakatawan ng panlabas na mabubuting gawa ng mga tao? Kinakatawan ng mga ito ang laman, at kahit na ang pinakamagagandang panlabas na gawi ay hindi kumakatawan sa buhay; tanging ang iyong sariling indibidwal na pag-uugali ang maipapakita ng mga ito. Hindi kayang tuparin ng mga panlabas na gawi ng tao ang nais ng Diyos. Lagi mong binabanggit ang iyong pagkakautang sa Diyos, ngunit hindi mo kayang tustusan ang buhay ng iba o pukawin sila na mahalin ang Diyos. Naniniwala ka bang ikalulugod ng Diyos ang mga naturang kilos mo? Naniniwala kang nakaayon sa kalooban ng Diyos ang iyong mga kilos, na ang mga ito ay sa espiritu, ngunit ang totoo ay pawang kabaliwan ang mga ito! Naniniwala ka na kung ano ang kasiya-siya sa iyo at kung ano ang nais mong gawin ay iyon ngang mga bagay na nakalulugod sa Diyos. Kaya bang katawanin ng mga kagustuhan mo ang Diyos? Kaya bang katawanin ng karakter ng isang tao ang Diyos? Ang kasiya-siya sa iyo ay iyon ngang kinasusuklaman ng Diyos, at ang iyong mga gawi ay siyang pinandidirihan at inaayawan ng Diyos. Kung pakiramdam mo ay may utang na loob ka, kung gayon ay manalangin ka sa Diyos. Hindi mo kailangang banggitin ito sa iba. Kung hindi ka nananalangin sa Diyos at sa halip ay laging umaakit ng pansin sa iyong sarili sa presensya ng iba, kaya ba nitong bigyang-kaluguran ang kalooban ng Diyos? Kung laging panlabas lamang ang iyong mga kilos, nangangahulugan ito na ikaw ay sukdulan sa pagkahambog. Anong uri ng mga tao silang pakitang-tao lamang ang paggawa ng mabuti at salat sa realidad? Ang mga naturang tao ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo at mga relihiyosong tao! Kung hindi ninyo iwawaksi ang inyong mga panlabas na gawi at hindi ninyo kayang gumawa ng mga pagbabago, lalong lalago sa inyo ang mga elemento ng pagpapaimbabaw. Habang mas higit ang mga elemento ng pagpapaimbabaw sa inyo, mas higit ang pagsalungat sa Diyos. Sa katapusan, ang mga naturang tao ay siguradong aalisin!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya, Kailangang Magtuon ang Isang Tao sa Realidad—Ang Pagsali sa mga Pangrelihiyong Ritwal ay Hindi Pananampalataya
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 436
Upang mapanumbalik ang wangis ng isang normal na tao, iyon ay, upang magkaroon ng normal na pagkatao, hindi basta na lamang mapapalugod ng mga tao ang Diyos gamit ang kanilang mga salita. Pinipinsala lamang nila ang kanilang sarili sa paggawa nito, at wala itong dalang pakinabang sa kanilang pagpasok o pagbabago. Samakatuwid, upang matamo ang pagbabago, dapat magsagawa nang paunti-unti ang mga tao. Kailangang pumasok sila nang dahan-dahan, maghanap at magsaliksik nang paunti-unti, pumasok mula sa positibo, at isabuhay ang isang praktikal na buhay ng katotohanan; ang buhay ng isang santo. Pagkatapos noon, tutulutan ng mga tunay na bagay, pangyayari, at kapaligiran ang mga tao na magkaroon ng praktikal na pagsasanay. Hindi kinakailangang magsalita ng mga tao nang mapagkunwari; sa halip, kinakailangan nilang magsanay sa tunay na mga kapaligiran. Nauunawaan muna ng mga tao na mahina ang kanilang kakayahan, at pagkatapos ay normal na nilang kinakain at iniinom ang mga salita ng Diyos, at pumapasok sila at normal ding nagsasagawa; sa paraang ito lamang sila maaaring magtamo ng realidad, at ganito lalong mapapabilis ang pagpasok. Upang mapagbago ang mga tao, dapat magkaroon ng kaunting praktikalidad; dapat silang magsanay sa mga tunay na bagay, pangyayari, at kapaligiran. Maaari bang matamo ang tunay na pagsasanay ng isang tao kung aasa lamang siya sa buhay-iglesia? Makakapasok ba ang mga tao sa realidad sa ganitong paraan? Hindi! Kung hindi makakapasok ang mga tao sa tunay na buhay, hindi rin nila mababago ang dati nilang pamumuhay at mga pamamaraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Hindi ito dahil lamang sa katamaran ng mga tao at mataas na antas ng pagpapakalinga, sa halip ito ay dahil wala talagang kakayahan ang mga tao para mabuhay, at bukod pa rito, wala silang pagkaunawa sa pamantayan ng Diyos sa wangis ng isang normal na tao. Noon, palaging nag-uusap, nagsasalita, at nagtatalastasan ang mga tao—at sila ay naging “mga mananalumpati” pa nga—ngunit walang sinuman sa kanila ang naghangad ng pagbabago sa disposisyon sa buhay; sa halip, naghanap lamang sila ng malalalim na teorya. Kaya, dapat baguhin ng mga tao ngayon ang ganitong paraan ng mga relihiyon ng paniniwala sa Diyos sa kanilang buhay. Kinakailangan nilang simulan ang pagsasagawa sa pamamagitan ng pagtutuon sa isang pangyayari, isang bagay, isang tao. Dapat nila itong gawin nang may pagtutuon—sa gayon lamang sila magkakamit ng mga resulta. Ang pagbabago ng mga tao ay nagsisimula sa pagbabago ng kanilang diwa. Dapat ituon ang gawain sa diwa ng mga tao, sa kanilang buhay, sa kanilang katamaran, pagpapakalinga, at pagkaalipin—sa ganitong paraan lamang sila maaaring mapagbago.
Bagama’t ang buhay iglesia ay makapagdudulot ng mga resulta sa ilang aspeto, ang pinakamahalaga pa rin ay na maaaring baguhin ng tunay na pamumuhay ang mga tao. Ang dating likas na pagkatao ng isang tao ay hindi mababago kung walang tunay na pamumuhay. Gawin nating halimbawa ang gawain ni Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya. Nang buwagin ni Jesus ang naunang mga kautusan at itatag ang mga kautusan ng bagong kapanahunan, nagsalita Siya gamit ang mga aktwal na halimbawa mula sa tunay na pamumuhay. Nang patunguhin ni Jesus ang Kanyang mga disipulo sa taniman ng trigo isang araw ng Sabbath, nagutom ang Kanyang mga disipulo at namitas ng mga butil ng trigo para kainin. Nakita ito ng mga Pariseo at sinabi na hindi nila iginagalang ang Sabbath. Sinabi rin nila na hindi maaaring iligtas ng mga tao ang mga guyang nahulog sa isang hukay sa araw ng Sabbath, sinasabi na hindi maaaring magtrabaho sa araw ng Sabbath. Binanggit ni Jesus ang mga pangyayaring ito upang unti-unting ipahayag ang mga kautusan ng bagong kapanahunan. Sa oras na iyon, gumamit Siya ng maraming praktikal na bagay para matulungan ang mga tao na makaunawa at magbago. Ito ang prinsipyong sinusunod ng Banal na Espiritu sa pagganap sa Kanyang gawain, at ito ang tanging paraan para mapagbago ang mga tao. Kung walang praktikal na mga bagay, maaari lamang magtamo ang mga tao ng teoretikal at intelektuwal na pagkaunawa—hindi ito isang epektibong paraan para magbago. Kaya paano nagkakamit ng karunungan at kabatiran ang isang tao sa pamamagitan ng pagsasanay? Maaari bang magkamit ng karunungan at kabatiran ang mga tao mula lamang sa pakikinig, pagbabasa, at pagpapalago ng kanilang kaalaman? Paano ito maaaring mangyari? Kailangang makaunawa at makaranas ang mga tao sa tunay na pamumuhay! Samakatuwid, kailangang magsanay ng isang tao, at hindi siya maaaring lumihis sa tunay na pamumuhay. Kailangang bigyang-pansin ng mga tao ang iba’t ibang aspeto at makapasok sa iba-ibang aspeto: antas ng edukasyon, pagpapahayag, kakayahang makita ang bagay-bagay, kakayahang makakilala, kakayahang maunawaan ang mga salita ng Diyos, sentido kumon at mga panuntunan ng sangkatauhan, at iba pang mga bagay na may kaugnayan sa sangkatauhan na kailangang isangkap sa mga tao. Matapos magtamo ng pagkaunawa, kailangang magtuon ang mga tao sa pagpasok, at saka lamang magkakaroon ng pagbabago. Kung nagkamit ng pag-unawa ang isang tao, subalit kinaliligtaan nilang magsagawa, paano magkakaroon ng pagbabago? Sa kasalukuyan, maraming nauunawaan ang mga tao, ngunit hindi nila isinasabuhay ang realidad; samakatuwid, kakaunti ang taglay nilang kinakailangang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Bahagya ka pa lamang naliwanagan; nakatanggap ka na ng kaunting pagtanglaw mula sa Banal na Espiritu, subalit wala kang pagpasok sa tunay na pamumuhay—o maaaring wala ka man lamang pakialam tungkol sa pagpasok—kaya nabawasan ang iyong pagbabago. Pagkaraan ng napakahabang panahon, marami nang nauunawaan ang mga tao. Nagagawa nilang magsalita nang husto tungkol sa kanilang kaalaman sa mga teorya, ngunit ganoon pa rin ang kanilang panlabas na disposisyon, at ganoon pa rin ang kanilang orihinal na kakayahan, walang pagsulong ni katiting. Kung ganito ang nangyayari, kailan ka talaga makakapasok?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagtalakay sa Buhay Iglesia at sa Tunay na Buhay
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 437
Ang buhay-iglesia ay isang uri lamang ng pamumuhay kung saan ang mga tao ay nagtitipun-tipon upang namnamin ang mga salita ng Diyos, at ito ay bumubuo lamang sa maliit na hibla ng buhay ng tao. Kung ang tunay na pamumuhay ng mga tao ay maaari ring maging katulad ng kanilang buhay-iglesia—kabilang na ang isang normal na espirituwal na buhay, normal na pagtamasa ng mga salita ng Diyos, normal na pagdarasal at pagiging malapit sa Diyos, pamumuhay ng isang tunay na pamumuhay kung saan lahat ay isinasagawa alinsunod sa kalooban ng Diyos, pamumuhay ng isang tunay na pamumuhay kung saan ang lahat ay isinasagawa alinsunod sa katotohanan, pamumuhay ng isang tunay na pamumuhay ng pagsasagawa ng panalangin at pagiging tahimik sa harap ng Diyos, ng pagsasanay na umawit ng mga himno at magsayaw—ito lamang ang klase ng buhay na maghahatid sa kanila sa pamumuhay ng mga salita ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay nakatuon lamang sa ilang oras ng kanilang buhay-iglesia nang walang “pag-aalala” sa kanilang buhay maliban sa mga oras na iyon, na para bang hindi nag-aalala sa mga iyon. Maraming tao rin na pumapasok lamang sa buhay ng mga santo kapag kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, umaawit ng mga himno, o nagdarasal, at pagkatapos ay nanunumbalik sila sa dati nilang pag-uugali pagkaraan noon. Hindi mababago ng ganitong pamumuhay ang mga tao, lalo nang hindi nila makikilala ang Diyos dahil dito. Sa paniniwala sa Diyos, kung nais ng mga tao na baguhin ang kanilang disposisyon, hindi nila dapat ihiwalay ang kanilang sarili mula sa tunay na pamumuhay. Sa tunay na pamumuhay, kailangan mong kilalanin ang iyong sarili, talikuran ang iyong sarili, isagawa ang katotohanan, at matutuhan din ang mga prinsipyo, sentido kumon, at mga panuntunan ng sariling pag-uugali sa lahat ng bagay bago mo magawang unti-unting magbago. Kung pagtutuunan mo lamang ang teoretikal na kaalaman at mabubuhay ka lamang sa mga relihiyosong seremonya nang hindi pumapasok nang husto sa realidad, nang hindi pumapasok sa tunay na pamumuhay, hindi mo kailanman mapapasok ang realidad, hindi mo kailanman makikilala ang iyong sarili, ang katotohanan, o ang Diyos, at magiging bulag at mangmang ka magpakailanman. Ang gawain ng pagliligtas ng Diyos sa mga tao ay hindi upang tulutan silang mamuhay nang normal pagkaraan ng maikling panahon, ni hindi para baguhin ang kanilang mga maling kuru-kuro at doktrina. Sa halip, ang Kanyang layunin ay baguhin ang dati nilang mga disposisyon, baguhin ang kabuuan ng dati nilang paraan ng pamumuhay, at baguhin ang lahat ng makalumang paraan ng kanilang pag-iisip at pananaw. Hindi mababago ng pagtutuon lamang sa buhay-iglesia ang mga dating gawi ng mga tao sa buhay o ang mga pamamaraan ng pamumuhay na nakasanayan nila sa mahabang panahon. Anuman ang mangyari, hindi dapat mahiwalay ang mga tao mula sa tunay na pamumuhay. Hinihiling ng Diyos na mamuhay nang normal bilang tao ang mga tao sa tunay na pamumuhay, hindi lamang sa buhay-iglesia; na isabuhay nila ang katotohanan sa tunay na pamumuhay, hindi lamang sa buhay-iglesia; at na tuparin nila ang kanilang mga tungkulin sa tunay na pamumuhay, hindi lamang sa buhay-iglesia. Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na pamumuhay. Kung, sa paniniwala sa Diyos, hindi makilala ng mga tao ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagpasok sa tunay na pamumuhay, at kung hindi sila makapamuhay nang normal bilang tao sa tunay na pamumuhay, mabibigo sila. Ang mga sumusuway sa Diyos ay pawang mga taong hindi makakapasok sa tunay na pamumuhay. Silang lahat ay mga taong nagsasalita tungkol sa pagiging tao, ngunit isinasabuhay ang likas na pagkatao ng mga demonyo. Silang lahat ay mga taong nagsasalita tungkol sa katotohanan, ngunit isinasabuhay naman ang mga doktrina. Ang mga hindi makayang isabuhay ang katotohanan sa tunay na pamumuhay ay ang mga naniniwala sa Diyos, ngunit kinasusuklaman at inaayawan Niya. Kailangan mong isagawa ang iyong pagpasok sa tunay na pamumuhay, alamin ang iyong mga kakulangan, pagsuway, at kamangmangan, at alamin ang iyong abnormal na pagkatao at mga kahinaan. Sa gayong paraan, ang iyong kaalaman ay mapag-iisa sa iyong aktwal na kalagayan at mga paghihirap. Ang klaseng ito lamang ng kaalaman ang tunay at maaaring magtulot sa iyo na tunay na maunawaan ang iyong sariling kalagayan at mabago ang iyong disposisyon.
Ngayong ang pagpeperpekto sa mga tao ay pormal nang nagsimula, kailangan mong pumasok sa tunay na pamumuhay. Samakatuwid, upang magtamo ng pagbabago, kailangan mong magsimula sa pagpasok sa tunay na pamumuhay, at unti-unting magbago. Kung iniiwasan mo ang normal na buhay ng tao at magsasalita ka lamang tungkol sa mga espirituwal na bagay, nagiging nakakabagot at walang kuwenta ang mga bagay-bagay; hindi nagiging makatotohanan ang mga ito, at kung gayon ay paano makakapagbago ang mga tao? Ngayon ay sinabihan kang pumasok sa tunay na pamumuhay upang magsagawa, upang magtatag ng isang pundasyon sa pagpasok sa tunay na karanasan. Ito ay isang aspeto ng kailangang gawin ng mga tao. Ang gawain ng Banal na Espiritu higit sa lahat ay gumabay, samantalang ang iba pa ay nakasalalay sa pagsasagawa at pagpasok ng mga tao. Lahat ay maaaring makapasok sa tunay na pamumuhay sa pamamagitan ng iba’t ibang landas, nang sa gayon ay maisama nila ang Diyos sa tunay na pamumuhay, at maisabuhay ang tunay na normal na pagkatao. Ito lamang ang klase ng buhay na may kabuluhan!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagtalakay sa Buhay Iglesia at sa Tunay na Buhay
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 438
Dati-rati, sinasabi na ang pagkakaroon ng presensya ng Banal na Espiritu at pagkakaroon ng gawain ng Banal na Espiritu ay magkaiba. Ang normal na kalagayan ng pagkakaroon ng presensya ng Banal na Espiritu ay namamalas sa pagkakaroon ng normal na mga kaisipan, normal na katwiran, at normal na pagkatao. Ang ugali ng isang tao ay mananatiling tulad ng dati, ngunit magkakaroon ng kapayapaan sa kanilang kalooban, at sa panlabas ay magkakaroon sila ng kagandahang-asal ng isang banal. Magiging ganito sila kapag sumasakanila ang Banal na Espiritu. Kapag taglay ng isang tao ang presensya ng Banal na Espiritu, normal ang kanilang pag-iisip. Kapag nagugutom sila gusto nilang kumain, kapag nauuhaw sila gusto nilang uminom ng tubig. … Ang gayong mga pagpapamalas ng normal na pagkatao ay hindi kaliwanagan ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay normal na pag-iisip ng mga tao at normal na kalagayan ng pagkakaroon ng presensya ng Banal na Espiritu. Mali ang paniniwala ng ilang tao na yaong mga may presensya ng Banal na Espiritu ay hindi nagugutom, na hindi sila nakakadama ng kapaguran, at tila hindi inaalala ang pamilya, na halos inihiwalay na nang lubusan ang kanilang sarili mula sa katawan. Sa katunayan, habang lalong sumasa mga tao ang Banal na Espiritu, lalo silang normal. Alam nila kung paano magdusa at isuko ang mga bagay para sa Diyos, gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at maging tapat sa Diyos; bukod pa rito, iniisip nilang kumain at magbihis. Sa madaling salita, walang nawalang anuman sa kanilang normal na pagkatao na dapat magkaroon ang tao at, sa halip, lalo silang nagtataglay ng katwiran. Kung minsan, nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos at pinagninilayan ang gawain ng Diyos; may pananampalataya sa kanilang puso at handa silang hanapin ang katotohanan. Natural, ang gawain ng Banal na Espiritu ay nakabatay sa pundasyong ito. Kung ang mga tao ay walang normal na pag-iisip, wala silang katwiran—hindi ito isang normal na kalagayan. Kapag ang mga tao ay may normal na pag-iisip at sumasakanila ang Banal na Espiritu, siguradong taglay nila ang katwiran ng isang normal na tao at, sa gayon, mayroon silang isang normal na kalagayan. Sa pagdanas sa gawain ng Diyos, nangyayari paminsan-minsan ang pagkakaroon ng gawain ng Banal na Espiritu, samantalang halos palaging mayroong presensya ng Banal na Espiritu. Hangga’t normal ang katwiran at pag-iisip ng mga tao, at hangga’t normal ang kanilang kalagayan, siguradong sumasakanila ang Banal na Espiritu. Kapag hindi normal ang katwiran at pag-iisip ng mga tao, hindi normal ang kanilang pagkatao. Kung, sa sandaling ito, sumasaiyo ang gawain ng Banal na Espiritu, siguradong sumasaiyo rin ang Banal na Espiritu. Ngunit kung sumasaiyo ang Banal na Espiritu, hindi ibig sabihin ay talagang gumagawa ang Banal na Espiritu sa iyong kalooban, sapagkat gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga espesyal na pagkakataon. Mapapanatili lamang ng pagkakaroon ng presensya ng Banal na Espiritu ang normal na pag-iral ng mga tao, ngunit gumagawa lamang ang Banal na Espiritu paminsan-minsan. Halimbawa, kung isa kang lider o manggagawa, kapag nagdidilig at nagtutustos ka para sa iglesia, liliwanagan ka ng Banal na Espiritu sa ilang salita na nagpapatatag sa iba at makakalutas sa ilan sa mga praktikal na problema ng iyong mga kapatid—sa ganitong mga pagkakataon, gumagawa ang Banal na Espiritu. Kung minsan, kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, at nililiwanagan ka ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng ilang salitang may partikular na kaugnayan sa sarili mong mga karanasan, na nagtutulot sa iyo na magtamo ng higit na kaalaman tungkol sa sarili mong mga kalagayan; gawain din ito ng Banal na Espiritu. Kung minsan, habang Ako ay nagsasalita, nakikinig kayo at nagagawa ninyong ihambing ang sarili ninyong mga kalagayan sa Aking mga salita, at kung minsan ay naaantig o nabibigyang-inspirasyon kayo; lahat ng ito ay gawain ng Banal na Espiritu. Sinasabi ng ilang tao na gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu sa lahat ng oras. Imposible ito. Kung sasabihin nila na palaging sumasakanila aang Banal na Espiritu, makatotohanan iyon. Kung sasabihin nila na ang kanilang pag-iisip at katinuan ay normal sa lahat ng oras, makatotohanan din iyon, at ipakikita na sumasakanila ang Banal na Espiritu. Kung sinasabi nila na palaging gumagawa ang Banal na Espiritu sa kalooban nila, na nililiwanagan sila ng Diyos at inaantig ng Banal na Espiritu sa bawat sandali, at nagtatamo ng bagong kaalaman sa lahat ng oras, talagang hindi ito normal! Lubos itong higit sa karaniwan! Walang kaduda-duda, masasamang espiritu ang gayong mga tao! Kahit kapag pumapasok ang Espiritu ng Diyos sa katawang-tao, may mga pagkakataon na kailangan Niyang kumain at kailangang magpahinga—bukod pa riyan ang mga tao. Yaong mga nasaniban ng masasamang espiritu ay parang walang kahinaan ng katawan. Nagagawa nilang talikdan at isuko ang lahat, wala silang damdamin, kaya nilang tiisin ang pagdurusa at hindi nakadarama ni katiting na pagod, na parang napangibabawan na nila ang katawan. Hindi ba ito lubos na higit sa karaniwan? Ang gawain ng masasamang espiritu ay hindi karaniwan—walang taong makakagawa ng gayong mga bagay! Yaong mga walang paghiwatig ay naiinggit kapag nakikita nila ang gayong mga tao: Sinasabi nila na napakalakas ng kanilang pananalig sa Diyos, may malaking pananampalataya, at hindi nagpapakita ni katiting na tanda ng kahinaan! Sa katunayan, lahat ng ito ay pagpapamalas ng gawain ng isang masamang espiritu. Sapagkat, ang mga normal na tao ay walang pagsalang may mga kahinaan ng tao; ito ang normal na kalagayan ng yaong mga may presensya ng Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 4
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 439
Ano ang ibig sabihin ng manindigan ang isang tao sa kanyang patotoo? Sinasabi ng ilang tao na sumusunod lamang sila na kagaya ng ginagawa nila ngayon at hindi sila nag-aalala kung kaya nilang magtamo ng buhay; hindi nila hinahangad ang buhay, ngunit hindi rin naman sila tumatalikod. Kinikilala lamang nila na ang yugtong ito ng gawain ay isinasagawa ng Diyos. Hindi ba ito kabiguan sa kanilang patotoo? Ni hindi nagpapatotoo ang gayong mga tao na nalupig na sila. Yaong mga nalupig na ay sumusunod sa kabila ng lahat at nagagawang hangarin ang buhay. Hindi lamang sila naniniwala sa praktikal na Diyos, kundi alam din nila kung paano sundin ang lahat ng plano ng Diyos. Gayon yaong mga nagpapatotoo. Yaong mga hindi nagpapatotoo ay hindi kailanman hinangad ang buhay at patuloy pa ring sumusunod nang magulo. Maaaring sumusunod ka, ngunit hindi ito nangangahulugan na nalupig ka na, sapagkat hindi mo nauunawaan ang gawain ng Diyos ngayon. Kailangang matugunan ang ilang kundisyon para malupig. Hindi lahat ng sumusunod ay nalupig na, sapagkat sa puso mo ay hindi mo nauunawaan kung bakit kailangan mong sundin ang Diyos sa ngayon, hindi mo rin alam kung paano ka nakaraos hanggang ngayon, kung sino ang sumuporta sa iyo hanggang ngayon. Ang pagsampalataya ng ilang tao sa Diyos ay palaging magulo at lito; sa gayon, ang pagsunod ay hindi nangangahulugan na mayroon kang patotoo. Ano ba talaga ang tunay na patotoo? Ang patotoong binabanggit dito ay may dalawang bahagi: Ang isa ay patotoo ng pagkalupig, at ang isa pa ay patotoo na nagawa na siyang perpekto (na, natural, ay magiging patotoo kasunod ng malalaking pagsubok at kapighatian sa hinaharap). Sa madaling salita, kung kaya mong manindigan sa oras ng mga kapighatian at pagsubok, napagtiisan mo na ang pangalawang hakbang ng patotoo. Ang pinakamahalaga ngayon ay ang unang hakbang ng patotoo: magawang manindigan sa bawat pagkakataon ng mga pagsubok ng pagkastigo at paghatol. Ito ang patotoo na nalupig na ang isang tao. Iyon ay dahil ngayon ang panahon ng paglupig. (Dapat mong malaman na ngayon ang panahon ng gawain ng Diyos sa lupa; ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupa una sa lahat ay lupigin ang grupo ng mga taong ito sa lupa na sumusunod sa Kanya kahit sa paghatol at pagkastigo.) Kung may kakayahan ka o wala na magpatotoo na nalupig ka na ay nakasalalay hindi lamang sa kung nakakasunod ka hanggang sa pinakahuli, kundi, ang mas mahalaga, kung kaya mo, habang dinaranas mo ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos, na tunay na maunawaan ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at kung tunay mong nahihiwatigan ang lahat ng gawaing ito. Hindi ka makakalusot sa pagsunod lamang hanggang sa huli. Kailangan ay handa kang sumuko sa panahon ng bawat pagkakataon ng pagkastigo at paghatol, may kakayahan kang tunay na maunawaan ang bawat hakbang ng gawaing nararanasan mo, at kailangan mong magtamo ng kaalaman, at pagsunod sa disposisyon ng Diyos. Ito ang huling patotoo na nalupig ka na, na ipinababahagi sa iyo. Ang patotoo na nalupig ka na ay tumutukoy una sa lahat sa iyong kaalaman tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang mahalaga, ang hakbang na ito ng patotoo ay sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Hindi mahalaga kung ano ang iyong ginagawa o sinasabi sa harap ng mga tao sa mundo o yaong mga may kapangyarihan; ang pinakamahalaga sa lahat ay kung nagagawa mong sundin ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos at lahat ng Kanyang gawain. Kung gayon, ang hakbang na ito ng patotoo ay patungkol kay Satanas at sa lahat ng kaaway ng Diyos—ang mga demonyo at palaaway na hindi naniniwala na ang Diyos ay magkakatawang-tao sa ikalawang pagkakataon at darating upang gumawa ng mas dakilang gawain, at bukod pa roon, hindi naniniwala sa katotohanan ng pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Sa madaling salita, patungkol ito sa lahat ng anticristo—lahat ng kaaway na hindi naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos.
Hindi pinatutunayan ng pag-iisip at pananabik sa Diyos na nilupig ka na ng Diyos; nakasalalay iyon sa kung naniniwala ka na Siya ang Salita na nagkatawang-tao, kung naniniwala ka na ang Salita ay nagkatawang-tao, at kung naniniwala ka na ang Espiritu ay naging Salita, at ang Salita ay nagpakita sa katawang-tao. Ito ang pinakamahalagang patotoo. Hindi mahalaga kung paano ka sumusunod, ni kung paano mo ginugugol ang iyong sarili; ang pinakamahalaga ay kung nagagawa mong matuklasan mula sa normal na pagkataong ito na ang Salita ay nagkatawang-tao at ang Espiritu ng katotohanan ay nagkatotoo sa katawang-tao—na lahat ng katotohanan, ng daan, at ng buhay, ay naparito na sa katawang-tao, at ang Espiritu ng Diyos ay talagang dumating na sa lupa at ang Espiritu ay naparito na sa katawang-tao. Bagama’t, sa tingin, mukhang naiiba ito mula sa paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sa gawaing ito nagagawa mong makita nang malinaw na ang Espiritu ay naisakatuparan na sa katawang-tao, at, bukod pa rito, ang Salita ay nagkatawang-tao na at ang Salita ay nagpakita na sa katawang-tao. Nagagawa mong maunawaan ang tunay na kahulugan ng mga salitang: “Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios.” Bukod pa rito, kailangan mong maunawaan na ang Salita sa ngayon ay ang Diyos, at masdan na ang Salita ay naging tao. Ito ang pinakamagandang patotoong maibabahagi mo. Pinatutunayan nito na taglay mo ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos na naging tao—hindi mo lamang nagagawang makilala Siya, kundi nababatid mo rin na ang landas na iyong tinatahak sa ngayon ay ang landas ng buhay, at ang landas ng katotohanan. Tinupad lamang ng yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus ang diwa ng “ang Verbo ay sumasa Dios”: Ang katotohanan ng Diyos ay sumasa Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay nasa katawang-tao at hindi maihihiwalay mula sa katawang-taong iyon. Ibig sabihin, ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay sumasa Espiritu ng Diyos, na mas malaking katunayan na si Jesus na nagkatawang-tao ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang yugtong ito ng gawain mismo ang tumutupad sa kahulugan sa loob ng “ang Salita ay naging tao,” nagbigay ng mas malalim na kahulugan sa “ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios,” at tinutulutan ka na matibay na paniwalaan ang mga salitang “Nang pasimula siya ang Verbo.” Na ibig sabihin, sa panahon ng paglikha ay may taglay na mga salita ang Diyos, ang Kanyang mga salita ay sumasa Kanya at hindi maihihiwalay sa Kanya, at sa huling kapanahunan, lalo pa Niyang nililinaw ang kapangyarihan at awtoridad ng Kanyang mga salita, at tinutulutan ang tao na makita ang lahat ng Kanyang daan—na marinig ang lahat ng Kanyang salita. Gayon ang gawain ng huling kapanahunan. Kailangan mong maunawaan ang mga bagay na ito nang lubus-lubusan. Hindi ito tungkol sa pagkilala sa katawang-tao, kundi kung ano ang pagkaunawa mo sa katawang-tao at sa Salita. Ito ang patotoo na kailangan mong ibahagi, yaong kailangang malaman ng lahat. Dahil ito ang gawain ng ikalawang pagkakatawang-tao—at ang huling pagkakataon na magkakatawang-tao ang Diyos—lubos nitong kinukumpleto ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao, lubus-lubusang isinasakatuparan at inilalabas ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, at winawakasan ang panahon ng Diyos na nasa katawang-tao. Sa gayon, kailangan mong malaman ang kahulugan ng pagkakatawang-tao. Hindi mahalaga kung gaano ka naglilibot, o gaano kahusay mo isinasakatuparan ang iba pang mga bagay na walang kinalaman sa iyo; ang mahalaga ay kung nagagawa mong tunay na magpasakop sa harap ng Diyos na nagkatawang-tao at ilaan ang iyong buong pagkatao sa Diyos, at sundin ang lahat ng salitang nagmumula sa Kanyang bibig. Ito ang dapat mong gawin, at dapat mong sundin.
Ang huling hakbang ng patotoo ay ang patotoo kung nagawa kang perpekto o hindi—na ang ibig sabihin, dahil naunawaan mo na ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao, nag-aangkin ka ng kaalaman tungkol sa Diyos at nakatitiyak ka tungkol sa Kanya, isinasabuhay mo ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos, at nagagawa ang mga kundisyong hinihiling sa iyo ng Diyos—ang estilo ni Pedro at pananampalataya ni Job—kaya nakakasunod ka hanggang kamatayan, naibibigay mo nang lubusan ang iyong sarili sa Kanya, at sa huli ay nakakamtan ang larawan ng isang taong tumutugon sa pamantayan, na ibig sabihin ay ang larawan ng isang taong nalupig na at nagawang perpekto matapos danasin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ito ang pangwakas na patotoo—ito ang patotoong dapat ibahagi ng isang taong nagawang perpekto sa huli. Ito ang dalawang hakbang ng patotoo na dapat mong ibahagi, at magkaugnay ang mga ito, bawat isa ay kailangang-kailangan. Ngunit may isang bagay na kailangan mong malaman: Ang patotoong kinakailangan ko sa iyo ngayon ay hindi patungkol sa mga tao sa mundo, ni hindi sa sinumang indibiduwal, kundi tungkol sa hinihiling Ko sa iyo. Nasusukat ito sa kung napapalugod mo Ako, at kung nagagawa mong lubos na tugunan ang mga pamantayan ng Aking mga hinihiling sa bawat isa sa inyo. Ito ang dapat ninyong maunawaan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 4
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 440
Kapag nagdurusa kayo ng kaunting paghihigpit o paghihirap, makakabuti iyon sa inyo; kung pinadali iyon para sa inyo, mapapahamak kayo, at kung gayon ay paano kayo mapoprotektahan? Ngayon, kinakastigo, hinahatulan, at isinusumpa kayo kaya nabibigyan kayo ng proteksyon. Nagdusa na kayo nang husto kaya pinoprotektahan kayo. Kung hindi, matagal na sana kayong nahulog sa kabulukan. Hindi ito sadyang pagpapahirap ng mga bagay para sa inyo—ang likas na pagkatao ng tao ay mahirap baguhin, at kailangan itong magkaganito para magbago ang kanilang mga disposisyon. Ngayon, ni wala kayong konsiyensiya o katinuang tinaglay ni Pablo, ni hindi ninyo taglay ang kanyang kamalayan sa sarili. Lagi kayong kailangang pilitin, at kailangan kayong palaging makastigo at mahatulan para pukawin ang inyong mga espiritu. Pagkastigo at paghatol ang pinakamabuti para sa inyong buhay. At kapag kinakailangan, dapat ay mayroon ding pagkastigo ng mga katotohanang dumarating sa inyo; saka lamang kayo lubos na magpapasakop. Kapag ang inyong kalikasan ay walang pagkastigo at pagsumpa, ayaw ninyong magyuko ng ulo, ayaw ninyong magpasakop. Kung hindi ninyo nakikita ang mga totoong pangyayari, walang magiging epekto. Masyadong aba at walang halaga ang inyong pagkatao! Kung wala ang pagkastigo at paghatol, magiging mahirap kayong malupig, at mahirap daigin ang inyong kawalan ng katuwiran at pagsuway. Ang inyong dating likas na pagkatao ay nakaugat nang napakalalim. Kung iniluklok kayo sa trono, wala kayong ideya sa taas ng langit at lalim ng lupa, lalong wala kayong ideya kung saan kayo patungo. Ni hindi ninyo alam kung saan kayo nagmula, kaya paano ninyo makikilala ang Panginoon ng paglikha? Kung wala ang napapanahong pagkastigo at mga pagsumpa sa ngayon, matagal na sanang dumating ang inyong huling araw. Huwag nang banggitin pa ang inyong kapalaran—hindi ba mas nalalapit iyon sa panganib? Kung wala ang napapanahong pagkastigo at paghatol na ito, sino ang nakakaalam kung gaano katindi kayong yayabang, o gaano kayo magiging masama. Nadala na kayo ng pagkastigo at paghatol na ito sa kasalukuyan, at naingatan ng mga ito ang inyong buhay. Kung “tinuruan” pa rin kayo gamit ang kaparehong mga pamamaraan tulad ng sa inyong “ama,” sino ang nakakaalam kung anong mundo ang inyong papasukin! Wala talaga kayong kakayahang kontrolin at pagbulay-bulayan ang inyong sarili. Para sa mga taong kagaya ninyo, kung susunod at tatalima lamang kayo nang hindi nagsasanhi ng anumang panghihimasok o mga paggambala, makakamtan ang Aking mga layon. Hindi ba lalo kayong dapat magsumikap sa pagtanggap ng pagkastigo at paghatol sa ngayon? Ano pang ibang pagpipilian ang mayroon kayo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 6
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 441
Kapag sinasangkapan mo ang iyong sarili para sa buhay, kailangan mong magtuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, kailangan mong makayang magsalita tungkol sa pagkakilala sa Diyos, sa iyong mga pananaw tungkol sa buhay ng tao, at, lalo na, sa iyong kaalaman tungkol sa gawaing ginagawa ng Diyos sa mga huling araw. Yamang hinahabol mo ang buhay, kailangan mong sangkapan ang iyong sarili ng mga bagay na ito. Kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, kailangan mong sukatin ang realidad ng sarili mong kalagayan kumpara sa mga ito. Ibig sabihin, kapag natuklasan mo ang iyong mga pagkukulang habang dumaranas ng totoo mong realidad, kailangang makaya mong makakita ng isang landas ng pagsasagawa, na talikuran ang iyong mga maling motibo at kuru-kuroa. Kung lagi kang nagsisikap para sa mga bagay na ito at buong pusong nagsisikap tungo sa pagkakamit ng mga ito, magkakaroon ka ng landas na susundan, hindi ka makararamdam ng kahungkagan, at sa gayo’y magagawa mong manatili sa isang normal na kalagayan. Saka ka lamang magiging isang tao na nagdadala ng pasanin sa sarili mong buhay, na may pananampalataya. Bakit kaya hindi magawa ng ilang tao, matapos basahin ang mga salita ng Diyos, na isagawa ang mga ito? Hindi ba dahil hindi nila natatarok ang pinakamahahalagang bagay? Hindi ba dahil hindi sila seryoso sa buhay? Kaya hindi nila natatarok ang mahahalagang bagay at wala silang landas sa pagsasagawa ay dahil kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila maiugnay ang sarili nilang mga kalagayan sa mga ito, ni nasusupil ang sarili nilang mga kalagayan. Sinasabi ng ilang tao: “Binabasa ko ang mga salita ng Diyos at iniuugnay ang aking kalagayan sa mga ito, at alam ko na ako ay tiwali at kulang sa kakayahan, nguni’t hindi ko kayang bigyang-kasiyahan ang kalooban ng Diyos.” Panlabas pa lang ang nakita mo; maraming totoong bagay na hindi mo alam: paano isantabi ang mga kasiyahan ng laman, paano isantabi ang pagmamagaling, paano baguhin ang iyong sarili, paano pumasok sa mga bagay na ito, paano dagdagan ang iyong kakayahan, at saang aspeto magsisimula. Natatarok mo lang ang ilang bagay sa panlabas, at ang alam mo lang ay na talagang napakatiwali mo. Kapag nakikipagkita ka sa iyong mga kapatid, nagsasalita ka tungkol sa kung gaano ka katiwali, at mukhang kilala mo ang sarili mo at mabigat ang pasaning dinadala mo sa buhay. Sa katunayan, hindi nagbago ang iyong tiwaling disposisyon, na nagpapatunay na hindi mo pa natatagpuan ang landas sa pagsasagawa. Kung namumuno ka sa isang iglesia, kailangan mong makayang unawain ang mga kalagayan ng mga kapatid at tukuyin ang mga ito. Maaari bang sabihin mo lang na: “Suwail at paurong kayong mga tao!”? Hindi, kailangan mong tukuyin kung paano namamalas ang kanilang pagsuway at pagiging paurong. Kailangan mong magsalita tungkol sa kanilang mga suwail na kalagayan, sa kanilang suwail na mga pag-uugali, at sa kanilang makasatanas na mga disposisyon, at kailangan mong magsalita tungkol sa mga bagay na ito sa isang paraan na lubos silang nakukumbinsi ng katotohanan sa iyong mga salita. Gumamit ng mga katunayan at halimbawa para ipaliwanag ang pinupunto mo, at sabihin nang tumpak kung paano sila makakahulagpos sa mapanghimagsik na pag-uugali, at tukuyin ang landas sa pagsasagawa—ganito ang pagkumbinsi sa mga tao. Yaon lamang mga gumagawa nito ang may kakayahang mamuno sa iba; sila lamang ang may taglay ng realidad ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 7
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 442
Ang pagpapatotoo sa Diyos una sa lahat ay patungkol sa pagsasalita tungkol sa iyong kaalaman sa gawain ng Diyos, kung paano nilulupig ng Diyos ang mga tao, kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, kung paano Niya binabago ang mga tao; patungkol ito sa pagsasalita kung paano Niya ginagabayan ang mga tao sa pagpasok sa realidad ng katotohanan, na nagtutulot sa kanila na malupig, maperpekto, at mailigtas Niya. Ang pagpapatotoo ay nangangahulugan ng pagsasalita tungkol sa Kanyang gawain at lahat ng naranasan mo. Tanging ang Kanyang gawain ang kayang kumatawan sa Kanya, at tanging ang Kanyang gawain ang kayang maghayag sa Kanya sa publiko, sa Kanyang kabuuan; ang Kanyang gawain ay nagpapatotoo sa Kanya. Ang Kanyang gawain at mga pagbigkas ay direktang kumakatawan sa Espiritu; ang gawaing ginagawa Niya ay isinasakatuparan ng Espiritu, at ang mga salitang sinasambit Niya ay sinasalita ng Espiritu. Ang mga bagay na ito ay ipinapahayag lamang sa pamamagitan ng katawang-tao ng Diyos, subali’t, ang katunayan, mga pahayag ito ng Espiritu. Lahat ng gawaing ginagawa Niya at lahat ng salitang sinasambit Niya ay kumakatawan sa Kanyang diwa. Kung, matapos bihisan ang Kanyang sarili ng laman at pumarito sa gitna ng tao, hindi nagsalita o gumawa ang Diyos, at pagkatapos ay inutusan kayong alamin ang Kanyang pagkatotoo, Kanyang normalidad, at Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, magagawa mo ba? Magagawa mo bang alamin kung ano ang diwa ng Espiritu? Magagawa mo bang alamin ang mga katangian ng Kanyang katawang-tao? Dahil lamang sa naranasan ninyo ang bawa’t hakbang ng Kanyang gawain kaya Niya kayo hinihingan na magpatotoo tungkol sa Kanya. Kung wala kayong gayong karanasan, hindi Niya kayo pipiliting magpatotoo. Sa gayon, kapag nagpapatotoo ka sa Diyos, hindi mo lamang pinatototohanan ang Kanyang panlabas na normal na pagkatao, kundi pati na ang gawaing Kanyang ginagawa at ang landas na Kanyang tinatahak; patototohanan mo kung paano ka Niya nalupig at sa anong mga aspeto ka nagawang perpekto. Ito ang klase ng patotoo na dapat mong ibigay. Kung, saan ka man magtungo, humihiyaw ka ng: “Naparito ang ating Diyos upang gumawa, at ang Kanyang gawain ay talagang praktikal! Natamo na Niya tayo nang walang mga kilos na higit sa karaniwan, nang wala man lang anumang mga himala at kababalaghan!” Itatanong ng iba: “Ano ang ibig mong sabihin kapag sinasabi mo na hindi Siya gumagawa ng mga himala at kababalaghan? Paano ka Niya nalupig nang hindi gumagawa ng mga himala at kababalaghan?” At sasabihin mo: “Siya ay nagsasalita, at, kahit hindi nagpapakita ng anumang mga kababalaghan o himala, nalupig Niya tayo. Nalupig tayo ng Kanyang gawain.” Sa kahuli-hulihan, kung wala kang masabing anuman na may katuturan, kung hindi mo nasasabi ang mga detalye, ito ba ay tunay na patotoo? Kapag nilulupig ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga tao, ang Kanyang banal na mga salita ang gumagawa niyon. Hindi ito naisasakatuparan ng sangkatauhan; hindi ito isang bagay na nakakamit ng sinumang mortal, at kahit yaong mga may pinakamalalaking kakayahan sa normal na mga tao ay hindi ito kaya, sapagka’t ang Kanyang pagka-Diyos ay mas mataas kaysa sinumang nilikha. Hindi ito pangkaraniwan sa mga tao; ang Lumikha, matapos ang lahat, ay mas dakila kaysa sinumang nilikha. Ang mga nilikha ay hindi kayang maging mas mataas kaysa sa Lumikha; kung mas mataas ka kaysa sa Kanya, hindi Niya magagawang lupigin ka, at nalulupig ka lang Niya dahil mas mataas Siya kaysa sa iyo. Siya na nakakayang lupigin ang buong sangkatauhan ay ang Lumikha, at walang sinuman kundi Siya ang nakakagawa ng gawaing ito. Ang mga salitang ito ay “patotoo”—ang klase ng patotoo na dapat mong taglayin. Sa paisa-isang hakbang, naranasan mo ang pagkastigo, paghatol, pagpipino, mga pagsubok, mga pagkabigo, at mga pagdurusa, at nalupig ka na; naisantabi mo na ang mga kagustuhan ng laman, ang iyong mga personal na motibo, at ang matatalik na interes ng laman. Sa madaling salita, lubos nang nalupig ng mga salita ng Diyos ang iyong puso. Bagama’t hindi ka nakalago sa iyong buhay na katulad ng hinihingi Niya, alam mo ang lahat ng bagay na ito at lubos kang kumbinsido sa ginagawa Niya. Kaya, maaari itong tawaging patotoo, patotoo na tunay at totoo. Ang gawaing ipinarito ng Diyos na gawin, ang gawain ng paghatol at pagkastigo, ay para lupigin ang tao, nguni’t tinatapos din Niya ang Kanyang gawain, winawakasan ang kapanahunan, at isinasakatuparan ang gawain ng pagtatapos. Winawakasan Niya ang buong kapanahunan, inililigtas ang buong sangkatauhan, pinalalaya ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa huling pagkakataon; lubos Niyang natatamo ang sangkatauhan, na Kanyang nilikha. Dapat mong patotohanan ang lahat ng ito. Napakarami mo nang naranasan sa gawain ng Diyos, nakita na ito ng sarili mong mga mata at personal mo itong naranasan; kapag nakaabot ka na sa pinakadulo, kailangan ay magawa mong gampanan ang tungkuling nakaatas sa iyo. Sayang iyon! Sa hinaharap, kapag pinalalaganap ang ebanghelyo, dapat mong makayang magsalita tungkol sa sarili mong kaalaman, magpatotoo sa lahat ng iyong natamo sa puso mo, at gawin ang lahat. Ito ang dapat maabot ng isang nilikha. Ano ang aktuwal na kabuluhan ng yugtong ito ng gawain ng Diyos? Ano ang epekto nito? At gaano rito ang isinasakatuparan sa tao? Ano ang dapat gawin ng mga tao? Kapag nakakapagsalita ka nang malinaw tungkol sa lahat ng gawaing nagawa ng Diyos na nagkatawang-tao mula nang pumarito sa lupa, magiging husto ang iyong patotoo. Kapag nakakapagsalita ka nang malinaw tungkol sa limang bagay na ito: ang kabuluhan ng Kanyang gawain; ang mga nilalaman nito; ang diwa nito; ang disposisyon na kinakatawan nito; at ang mga prinsipyo nito, patutunayan nito na kaya mong magpatotoo sa Diyos, na tunay kang nagtataglay ng kaalaman. Ang Aking mga kinakailangan sa inyo ay hindi napakataas, at magagawa ng lahat ng nasa tunay na paghahabol. Kung nagpasya kang maging isa sa mga saksi ng Diyos, kailangan mong maunawaan kung ano ang kinapopootan ng Diyos at kung ano ang minamahal ng Diyos. Naranasan mo na ang marami sa Kanyang gawain; sa pamamagitan ng gawaing ito, kailangan mong malaman ang Kanyang disposisyon, maunawaan ang Kanyang kalooban at Kanyang mga kinakailangan sa sangkatauhan, at gamitin ang kaalamang ito upang magpatotoo tungkol sa Kanya at gampanan ang iyong tungkulin. Maaaring sabihin mo lang na: “Kilala namin ang Diyos. Napakatindi ng Kanyang paghatol at pagkastigo. Ang Kanyang mga salita ay napakahigpit; ang mga ito ay matuwid at maringal, at hindi maaaring suwayin ng sinumang tao,” nguni’t ang mga salitang ito ba sa kahuli-hulihan ay nagkakaloob sa tao? Ano ang epekto ng mga ito sa mga tao? Talaga bang alam mo na ang gawain ng paghatol at pagkastigo na ito ay napakabuti para sa iyo? Inilalantad ng paghatol at pagkastigo ng Diyos ang iyong pagiging mapanghimagsik at katiwalian, hindi ba? Malilinis at mapapatalsik ng mga ito ang marurumi at tiwaling bagay na iyon na nasa loob mo, hindi ba? Kung walang paghatol at pagkastigo, ano ang mangyayari sa iyo? Kinikilala mo ba talaga ang katotohanang nagawa ka nang tiwali ni Satanas sa pinakamatinding antas? Ngayon, dapat ninyong sangkapan ang inyong sarili ng mga bagay na ito at alamin nang husto ang mga ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 7
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 443
Alam ba ninyo kung ano ang dapat ninyong taglayin ngayon? Ang isang aspeto noon ay may kinalaman sa mga pangitain tungkol sa gawain, at ang isa pang aspeto ay ang iyong pagsasagawa. Dapat mong maunawaan ang parehong aspetong ito. Kung wala kang mga pangitain sa iyong pakikipagsapalaran para umunlad sa buhay, hindi ka magkakaroon ng pundasyon. Kung mga daan lang ng pagsasagawa ang taglay mo, nang wala ni katiting na pangitain, at walang anumang pagkaunawa tungkol sa gawain ng buong plano ng pamamahala, wala kang kwenta. Kailangan mong maunawaan ang mga katotohanan na may kinalaman sa mga pangitain, at tungkol naman sa mga katotohanang may kaugnayan sa pagsasagawa, kailangan mong makakita ng mga angkop na landas ng pagsasagawa pagkatapos mong maunawaan ang mga iyon; kailangan mong magsagawa nang naaayon sa mga salita, at pumasok ayon sa iyong mga kondisyon. Ang mga pangitain ang pundasyon, at kapag hindi mo binigyang-pansin ang katotohanang ito, hindi ka makakasunod hanggang sa huli; ang makaranas sa ganoong paraan ay magliligaw sa iyo o magsasanhi sa iyong madapa at mabigo. Hinding-hindi ka magtatagumpay! Ang mga taong hindi mga dakilang pangitain ang mga pundasyon ay maaari lamang mabigo; hindi sila makapagtatagumpay. Hindi mo kayang manindigan! Alam mo ba kung ano ang kalakip ng paniniwala sa Diyos? Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng sinusundan ang Diyos? Kung walang mga pangitain, anong landas ang iyong lalakaran? Sa gawain sa kasalukuyan, kung wala kang mga pangitain, hinding-hindi ka magagawang ganap. Kanino ka ba naniniwala? Bakit ka naniniwala sa Kanya? Bakit ka sumusunod sa Kanya? Tingin mo ba ang iyong pananampalataya ay isang uri ng laro? Hinaharap mo ba ang iyong buhay na parang isang uri ng laruan? Ang Diyos ng kasalukuyan ang pinakadakilang pangitain. Gaano karami ang alam mo tungkol sa Kanya? Gaano karami ang nakita mo na tungkol sa Kanya? Yamang nakita mo na ang Diyos ng kasalukuyan, matibay ba ang pundasyon ng iyong paniniwala sa Diyos? Sa palagay mo ba ay magtatamo ka ng kaligtasan basta’t sumusunod ka sa magulong paraang ito? Palagay mo ba ay makakahuli ka ng isda sa maputik na tubig? Ganoon ba iyon kasimple? Gaano na ba karaming kuru-kurong may kinalaman sa mga salitang ipinapahayag ngayon ng Diyos ang naiwaksi mo na? May pangitain ka ba ng Diyos ng kasalukuyan? Saan nakabatay ang iyong pagkaunawa sa Diyos ng kasalukuyan? Lagi kang naniniwala na matatanggap mo Siya[a] sa pamamagitan lang ng pagsunod sa Kanya, o makita mo lang Siya, at wala nang sinuman ang makapagpapaalis sa iyo. Huwag mong akalain na napakadali lang ng pagsunod sa Diyos. Ang susi ay kailangan mo Siyang makilala, kailangan mong malaman ang gawain Niya, at kailangan mong magkaroon ng kagustuhang magtiis ng paghihirap alang-alang sa Kanya, isakripisyo ang iyong buhay para sa Kanya, at magawa Niyang perpekto. Ito ang pangitain na dapat mong taglay. Hindi maaari na laging nakatuon lang ang isip mo sa pagtatamasa ng biyaya. Huwag mong ipagpalagay na narito ang Diyos para lang sa kasiyahan ng mga tao, o upang magkaloob lang ng biyaya sa kanila. Magiging mali ka! Kung hindi maitataya ng isa ang kanyang buhay upang sumunod sa Kanya, at kung hindi maiiwanan ng isa ang lahat ng kanyang pag-aari sa mundo upang sumunod, tiyak na hindi nila makakayang sumunod hanggang sa huli! Kailangang mga pangitain ang iyong pundasyon. Kung isang araw ay dumating sa iyo ang kasawian, ano ang dapat mong gawin? Magagawa mo pa rin bang sumunod sa Kanya? Huwag mong basta sabihin kung makakasunod ka hanggang sa huli. Mas mabuting imulat mo muna nang maigi ang iyong mga mata upang makita kung ano ang panahon ngayon. Bagaman sa kasalukuyan, maaaring kayo ay tulad ng mga haligi ng templo, darating ang isang sandali kung kailan lahat ng gayong haligi ay ngangatngatin ng mga uod, na magdudulot ng pagguho ng templo, dahil sa kasalukuyan, napakaraming pangitain ang kulang sa inyo. Pinag-uukulan lang ninyo ng pansin ang sarili ninyong maliliit na mundo, at hindi ninyo alam kung ano ang pinakamaaasahan at pinakaangkop na paraan ng paghahanap. Hindi ninyo pinapansin ang pangitain ng gawain sa kasalukuyan, hindi rin ninyo isinasapuso ang mga bagay na ito. Naisip na ba ninyo na isang araw ilalagay kayo ng inyong Diyos sa isang lubos na di-pamilyar na lugar? Maguguni-guni ba ninyo kung anong mangyayari sa inyo isang araw kung kailan maaari Kong agawin ang lahat sa inyo? Magiging pareho ba ang kalakasan ninyo sa araw na iyon sa ngayon? Muli bang lilitaw ang inyong pananampalataya? Sa pagsunod sa Diyos, kailangan ninyong malaman itong pinakadakilang pangitain na ang “Diyos”: Ito ang pinakamahalagang usapin. Isa pa, huwag ninyong ipagpalagay na kapag humiwalay kayo sa makamundong mga tao para maging banal, mapapabilang na agad kayo sa pamilya ng Diyos. Sa panahong ito, ang Diyos Mismo ang gumagawa sa gitna ng sangnilikha; Siya ang naparito sa gitna ng mga tao upang gawin ang Kanyang sariling gawain—hindi ang magsagawa ng mga kampanya. Sa inyo, wala ni isang dakot ang nagagawang malaman na ang gawain sa kasalukuyan ay ang gawain ng Diyos sa langit na nagkatawang-tao. Hindi ito tungkol sa paggawa sa inyo na maging mga pambihirang taong may talento; ito ay upang tulungan kayong malaman ang kabuluhan ng buhay ng tao, malaman ang hantungan ng mga tao, at makilala ang Diyos at ang Kanyang kabuuan. Dapat mong malaman na isa kang gamit na nilikha sa mga kamay ng Lumikha. Ang dapat mong maunawaan, ang dapat mong gawin, at kung paano mo dapat sundin ang Diyos—hindi ba’t ang mga ito ang mga katotohanang kailangan mong maintindihan? Hindi ba’t ang mga ito ang mga pangitaing dapat mong makita?
Kapag nagkaroon na ng mga pangitain ang mga tao, may pundasyon na sila. Kapag nagsasagawa ka batay sa pundasyong ito, mas magiging madali ang pagpasok. Dahil dito, hindi ka magkakaroon ng mga alinlangan sa sandaling magkaroon ka ng pundasyon sa pagpasok, at magiging napakadali para sa iyo ang pumasok. Ang aspetong ito ng pag-unawa sa mga pangitain at ng pag-unawa sa gawain ng Diyos ay napakahalaga; kailangan mayroon kayo nito sa inyong imbakan. Kung wala sa iyo ang aspetong ito ng katotohanan, at kaya mo lang makipag-usap tungkol sa mga daan ng pagsasagawa, ikaw ay magiging labis na depektibo. Aking natuklasan na marami sa inyo ang hindi binibigyang-diin ang aspetong ito ng katotohanan, at kapag pinakikinggan ninyo ito, tila mga salita at doktrina lang ang pinakikinggan ninyo. Isang araw, ikaw ay mawawalan. May mga pahayag ngayon na hindi mo lubos na nauunawaan at hindi mo tinatanggap; sa gayong mga kaso, dapat kang matiyagang maghanap, at darating ang araw kung kailan iyong mauunawaan. Unti-unti mong sangkapan ang iyong sarili ng parami nang paraming pangitain. Kahit kaunting espirituwal na doktrina lang ang nauunawaan mo, mas mabuti pa rin iyon kaysa sa hindi pagbibigay-pansin sa mga pangitain, at mas mabuti pa rin iyon kaysa sa walang kahit anong nauunawaan. Lahat ng ito ay makatutulong sa iyong pagpasok, at aalisin ang iyong mga pag-aalinlangan. Mas mabuti iyon kaysa sa mapuno ka ng mga kuru-kuro. Mas mapapabuti ka kung ang mga pangitaing ito ang iyong pundasyon. Hindi ka magkakaroon ng anumang pag-aalinlangan, at magagawa mong pumasok nang matapang at malakas ang loob. Bakit ka mag-aabalang palaging sumunod sa Diyos sa gayong lito at nag-aalinlangang paraan? Hindi ba’t pareho lang iyon sa pagbubulag-bulagan? Anong sarap maglakad papasok sa kaharian nang may kumpiyansa at lakas ng loob! Bakit kailangang mapuno ng pag-aalinlangan? Hindi ba’t pinagdurusa mo lang nang labis ang sarili mo? Kapag nagkamit ka na ng pagkaunawa sa gawain ni Jehova, sa gawain ni Jesus, at sa yugtong ito ng gawain, magkakaroon ka ng pundasyon. Sa ngayon, maaaring akala mo ay napakasimple nito. May ilang taong nagsasabi, “Kapag dumating ang panahon na sinimulan na ng Banal na Espiritu ang dakilang gawain, makakapagsalita ako tungkol sa lahat ng bagay na ito. Ang katotohanang hindi ako tunay na nakauunawa sa ngayon ay dahil hindi pa ako gaanong naliwanagan ng Banal na Espiritu.” Hindi iyon ganoon kadali. Hindi iyon gaya ng kung handa kang tanggapin ang katotohanan[b] ngayon, ay magagamit mo iyon nang mahusay pagdating ng panahon. Hindi naman iyon ganoon! Naniniwala kang sapat na ang taglay mo ngayon, at hindi magiging problema sa iyo ang tumugon sa mga relihiyosong taong iyon at sa pinakadakilang mga teorista, at mapabubulaanan pa nga sila. Makakaya mo ba talagang gawin iyon? Anong pagkaunawa ang maipapahayag mo, kung ang mababaw na karanasang iyan lang ang mayroon ka? Ang pagtataglay ng katotohanan, pakikipaglaban sa laban ng katotohanan, at pagpapatotoo sa pangalan ng Diyos ay hindi ang iniisip mo—na hangga’t gumagawa ang Diyos, ang lahat ay magagawa. Sa panahong iyon, maaari kang malito ng isang tanong, at pagkatapos ay hindi makapagsalita. Ang susi ay kung ikaw ay mayroon o walang malinaw na pagkaunawa sa yugtong ito ng gawain, at kung gaano karami ang alam mo talaga tungkol dito. Kung hindi mo mapagtatagumpayan ang mga puwersa ng kaaway o matatalo ang mga puwersa ng relihiyon, hindi ka ba mawawalan ng silbi? Naranasan mo na ang gawain sa kasalukuyan, nakita iyon ng sarili mong mga mata, at narinig iyon ng sarili mong mga tainga, ngunit, kung sa huli, hindi ka makapagpatotoo, magkakaroon ka pa ba ng lakas ng loob na patuloy na mabuhay? Sino ang makakaya mong harapin? Huwag mo na ngayong isipin na magiging ganoon iyon kasimple. Ang gawain sa hinaharap ay hindi magiging kasingsimple ng inaakala mo; hindi ganoon kadali ang pakikipaglaban sa digmaan ng katotohanan; hindi ganoon kasimple. Ngayon kailangan mong masangkapan; kung wala sa iyo ang katotohanan, kapag dumating ang panahon na hindi gumawa ang Banal na Espiritu sa mapaghimalang paraan, ikaw ay malilito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangan Ninyong Maunawaan ang Gawain—Huwag Kayong Sumunod Nang May Pagkalito!
Mga Talababa:
a. Wala sa orihinal na teksto ang salitang “Siya.”
b. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “ang katotohanan.”