Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan II
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 336
Sinasabi mo na kinikilala mo ang Diyos na nagkatawang-tao at kinikilala mo ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao, subalit gumagawa ka ng ilang bagay sa Kanyang likuran, mga bagay na salungat sa Kanyang hinihingi, at sa puso mo ay wala kang takot sa Kanya. Pagkilala ba ito sa Diyos? Kinikilala mo ang mga sinasabi Niya, ngunit hindi mo isinasagawa ang kaya mong isagawa, ni hindi mo sinusundan ang Kanyang daan. Pagkilala ba ito sa Diyos? At bagama’t kinikilala mo Siya, ang nasasaisip mo ay mag-ingat lamang sa Kanya, hindi pagpipitagan kailanman. Kung nakita mo na at kinilala ang Kanyang mga gawain at alam mo na Siya ang Diyos, subalit nananatili kang malamig at lubos na walang pagbabago, ikaw ang klase ng taong hindi pa rin nalulupig. Ang mga nalupig ay kailangang gawin ang lahat ng makakaya nila, at bagama’t hindi sila makapasok sa mas matataas na katotohanan, at ang mga katotohanang ito ay hindi nila makayanan, handa ang gayong mga tao sa puso nila na matamo ito. Dahil sa may mga limitasyon sa kaya nilang tanggapin, kaya may mga hangganan at limitasyon sa kaya nilang isagawa. Gayunman, kahit paano, kailangan nilang gawin ang lahat ng makakaya nila, at kung magagawa mo iyan, isa itong epektong nakamit dahil sa gawain ng paglupig. Ipagpalagay nang sinasabi mo, “Dahil kaya Niyang magpahayag ng napakaraming salita na hindi kaya ng tao, kung hindi Siya ang Diyos, sino na?” Ang gayong pag-iisip ay hindi nangangahulugan na kinikilala mo ang Diyos. Kung kinikilala mo ang Diyos, kailangan mong ipakita iyon sa iyong aktwal na mga kilos. Kung namumuno ka sa isang iglesia, subalit hindi ka matuwid, kung nagnanasa ka sa pera at kayamanan, at lagi kang nagbubulsa ng pera ng iglesia para sa sarili mo, pagkilala ba ito na may isang Diyos? Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at karapat-dapat Siyang pagpitaganan. Paanong hindi ka natatakot kung tunay mong kinikilala na may isang Diyos? Kung kaya mong gawin ang gayong kasuklam-suklam na mga bagay, talaga bang kinikilala mo Siya? Ang Diyos ba ang iyong pinaniniwalaan? Ang iyong pinaniniwalaan ay isang malabong Diyos; kaya hindi ka natatakot! Yaong mga totoong kumikilala at nakakakilala sa Diyos ay takot lahat sa Kanya at takot gumawa ng anumang bagay na kontra sa Kanya o lumalabag sa kanilang konsiyensya; lalo nang takot silang gumawa ng anumang bagay na alam nilang laban sa kalooban ng Diyos. Ito lamang ang maituturing na pagkilala sa pag-iral ng Diyos. Ano ang dapat mong gawin kapag sinusubukan kang pigilan ng iyong mga magulang na maniwala sa Diyos? Paano mo dapat mahalin ang Diyos kung mabait sa iyo ang asawa mong walang pananampalataya? At paano mo dapat mahalin ang Diyos kapag kinamumuhian ka ng mga kapatid? Kung kinikilala mo Siya, sa mga bagay na ito ay kikilos ka nang angkop at isasabuhay mo ang realidad. Kung bigo kang kumilos talaga ngunit sinasabi mo lamang na kinikilala mo ang pag-iral ng Diyos, puro bunganga ka lamang! Sinasabi mo na naniniwala ka sa Kanya at kinikilala Siya, ngunit paano mo Siya kinikilala? Paano mo Siya pinaniniwalaan? May takot ka ba sa Kanya? May pitagan ka ba sa Kanya? Mahal mo ba Siya sa kaibuturan ng puso mo? Kapag ikaw ay balisa at walang masandalan, nararamdaman mo na kaibig-ibig ang Diyos, ngunit pagkatapos ay nalilimutan mo ang lahat tungkol doon. Hindi iyan pagmamahal sa Diyos, at hindi rin iyan paniniwala sa Diyos! Ano, sa bandang huli, ang nais ng Diyos na makamtan ng tao? Lahat ng kalagayang Aking binanggit, gaya ng labis na paghanga sa sarili mong kahalagahan, na madali kang makakuha at makaunawa sa mga bagong bagay, pagkontrol sa iba, paghamak sa iba, paghusga sa mga tao batay sa kanilang hitsura, pang-aapi sa mga simpleng tao, pag-iimbot sa pera ng iglesia, at iba pa—kapag naalis na sa iyo, kahit paano, ang lahat ng tiwaling satanikong disposisyong ito, saka lamang mapapamalas na nalupig ka na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 4
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 337
Ako ay nakagawa at nakapagsalita sa ganitong paraan kasama ninyo, Ako ay gumugol ng napakaraming lakas at pagsisikap, nguni’t kailan ba kayo nakinig sa malinaw na sinasabi Ko sa inyo? Saan kayo yumukod sa Akin, ang Makapangyarihan sa lahat? Bakit ninyo Ako tinatrato nang ganito? Bakit lahat ng inyong sinasabi at ginagawa ay pumupukaw ng Aking galit? Bakit napakatigas ng inyong mga puso? Pinabagsak Ko ba kayo kahit minsan? Bakit wala kayong ginagawa kundi gawin Akong nalulungkot at nababalisa? Hinihintay ba ninyo ang araw ng poot Ko, si Jehova, na dumating sa inyo? Hinihintay ba ninyo na ipadala Ko ang galit na pinukaw ng inyong pagsuway? Hindi ba ang lahat ng Aking ginagawa ay para sa inyo? Nguni’t laging ang turing ninyo sa Akin, si Jehova, ay ganito: ninanakaw ang Aking mga alay, inuuwi ang mga handog sa Aking altar papunta sa tirahan ng lobo upang pakainin ang mga batang lobo at ang mga anak ng mga batang lobo; lumalaban sa isa’t isa ang mga tao, humaharap sa isa’t isa na may galit sa mga mata at mga tabak at sibat, itinatapon ang mga salita Ko, ang Makapangyarihan sa lahat, sa palikuran upang maging kasing-dungis ng dumi. Nasaan ang inyong integridad? Ang inyong pagkatao ay naging kahayupan! Ang inyong mga puso ay malaon nang mula’t sapul na naging bato. Hindi ba ninyo alam na ang panahon kung kailan dumarating ang araw ng Aking poot ay ang panahon kung kailan Ko hinahatulan ang masasamang ginawa ninyo sa Akin, ang Makapangyarihan sa lahat, ngayon? Akala ba ninyo na sa pamamagitan ng panlilinlang ninyo sa Akin sa ganitong paraan, sa pagtatapon ng Aking mga salita sa putikan at hindi pagdinig sa mga iyon—iniisip ba ninyo na sa pamamagitan ng pagkilos nang ganito sa Aking likuran kayo ay makatatakas sa Aking napopoot na titig? Hindi ba ninyo alam na kayo ay nakita na ng mga mata Ko, si Jehova, nang ninakaw ninyo ang Aking mga alay at pinagnasaan ang kung anong mayroon Ako? Hindi ba ninyo alam na noong ninakaw ninyo ang Aking mga alay, ginawa ninyo ito sa harapan ng altar kung saan ang mga alay ay inihahandog? Paano ninyo napapaniwalaang sapat ang inyong katusuhan para linlangin Ako sa ganitong paraan? Paano ba maaalis ang Aking nagngangalit na poot sa inyong mga karumal-dumal na kasalanan? Paano ba palalampasin ng Aking ngitngit ang inyong masasamang gawain? Ang kasamaan na inyong ginagawa ngayon ay hindi nagbibigay ng daang palabas para sa inyo, bagkus ito ay nag-iipon ng pagkastigo para sa inyong kinabukasan; pinupukaw nito ang Aking pagkastigo, ang Makapangyarihan sa lahat, patungo sa inyo. Paano makatatakas ang inyong masasamang gawain at masasamang salita mula sa Aking pagkastigo? Paano makararating ang inyong mga panalangin sa Aking mga tainga? Paano Ako magbubukas ng labasan para sa inyong di-pagkamakatuwiran? Paano Ko pababayaan ang inyong masasamang gawain sa paglaban sa Akin? Paano Ko hindi puputulin ang inyong mga dilang makamandag kagaya ng sa ahas? Hindi kayo tumatawag sa Akin para sa kapakanan ng inyong pagkamakatuwiran, bagkus iniipon ang Aking poot dahil sa inyong di-pagkamakatuwiran. Paano Ko kayo mapapatawad? Sa mga mata Ko, ang Makapangyarihan sa lahat, ang inyong mga salita at kilos ay marungis. Ang mga mata Ko, ang Makapangyarihan sa lahat, ay nakakakita sa inyong di-pagkamakatuwiran bilang walang-tigil na pagkastigo. Paano maaalis ang Aking matuwid na pagkastigo at paghatol sa inyo? Dahil ginagawa ninyo ito sa Akin, ginagawa Akong malungkot at napopoot, paano Ko mahahayaang makawala kayo sa Aking mga kamay at mahiwalay sa araw na Ako, si Jehova, ay kakastigo at magsusumpa sa inyo? Hindi ba ninyo alam na ang lahat ng masasama ninyong salita at mga binibigkas ay nakarating na sa Aking mga tainga? Hindi ba ninyo alam na ang inyong di-pagkamakatuwiran ay nakadungis na sa Aking banal na balabal ng pagkamakatuwiran? Hindi ba ninyo alam na ang inyong pagsuway ay nakapukaw na sa Aking matinding galit? Hindi ba ninyo alam na noon pa ninyo Ako iniiwang nagngingitngit, at noon pa ninyo sinusubukan ang Aking pasensiya? Hindi ba ninyo alam na nasira na ninyo ang Aking katawang-tao, naging basahan na ito? Nakapagtiis Ako hanggang ngayon, anupa’t pinakakawalan Ko ang Aking galit, hindi na mapagparaya tungo sa inyo. Hindi ba ninyo alam na ang inyong masasamang gawain ay nakarating na sa Aking mga mata, at ang Aking mga hinagpis ay narinig na ng Aking Ama? Paano Niya mapapayagang ituring ninyo Ako nang ganito? Hindi ba ang alinman sa Aking mga ginagawa sa inyo ay para sa inyong kapakanan? Subalit sino sa inyo ang naging mas mapagmahal sa gawain Ko, si Jehova? Ako ba ay magiging di-tapat sa kalooban ng Aking Ama dahil marupok Ako, at dahil sa pighating napagdusahan Ko? Hindi ba ninyo nauunawaan ang Aking puso? Kinakausap Ko kayo gaya ng ginawa ni Jehova; hindi ba napakarami Ko nang inilaan para sa inyo? Kahit na Ako ay nakahanda na pasanin ang lahat ng pagdurusang ito para sa kapakanan ng gawain ng Aking Ama, paano kayo makalalaya mula sa pagkastigo na Aking ipinapataw sa inyo dahil sa Aking pagdurusa? Hindi ba ninyo Ako natatamasa nang sobra-sobra? Ngayon, Ako ay ipinagkaloob sa inyo ng Aking Ama; hindi ba ninyo alam na mas marami kayong natatamasa kaysa sa Aking mapagbiyayang mga salita? Hindi ba ninyo alam na ang Aking buhay ay ipinagpalit sa inyong buhay at sa mga bagay na inyong kinalulugdan? Hindi ba ninyo alam na ginamit ang buhay Ko ng Aking Ama upang labanan si Satanas, at ipinagkaloob din Niya ang Aking buhay sa inyo, nagsasanhi sa inyo na tumanggap nang makasandaang beses, at tinutulutang makaiwas kayo sa napakaraming tukso? Hindi ba ninyo alam na sa pamamagitan lamang ng Aking gawain kayo ay nakaiwas sa maraming tukso, at sa maraming nagliliyab na pagkastigo? Hindi ba ninyo alam na dahil lamang sa Akin kaya pinapayagan kayo ng Aking Ama na magsaya hanggang sa ngayon? Paano ninyo naaatim na manatiling napakatigas ng ulo ninyo ngayon, na para bang naging manhid na ang inyong puso? Paanong ang kasamaan na inyong ginagawa ngayon ay makatatakas sa araw ng poot na susunod sa Aking pag-alis mula sa lupa? Paano Ko matutulutan yaong mga napakatigas ng ulo na matakasan ang galit ni Jehova?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang May Katawan ang Makakatakas sa Araw ng Poot
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 338
Gunitain ninyo ang nakaraan: Kailan naging galit ang Aking titig, at ang tinig Ko’y malupit, sa inyo? Kailan Ako nakipagtalo sa inyo? Kailan Ko ba kayo pinagsabihan nang wala sa katuwiran? Kailan Ko ba kayo pinagsabihan nang harap-harapan? Hindi ba ito para sa kapakanan ng Aking gawain kaya Ako ay nananawagan sa Aking Ama upang ingatan kayo mula sa tukso? Bakit ninyo Ako tinatrato nang ganito? Kahit kailan ba’y nagamit Ko ang Aking awtoridad upang pabagsakin ang inyong mga laman? Bakit ninyo Ako sinusuklian nang ganito? Matapos kayong mag-urong-sulong tungo sa Akin, hindi kayo mainit ni malamig, at pagkatapos ay tinatangka ninyong utuin Ako at pagtaguan Ako ng mga bagay-bagay, at ang inyong mga bibig ay puno ng dura ng mga di-matuwid. Sa tingin ba ninyo ay madadaya ng inyong mga dila ang Aking Espiritu? Sa tingin ba ninyo ay matatakasan ng inyong mga dila ang Aking poot? Sa tingin ba ninyo ay makakapagbigay ng paghatol ang inyong mga dila sa mga gawa Ko, si Jehova, paano man ng mga ito naisin? Ako ba ang Diyos na binibigyang-hatol ng tao? Mapapayagan Ko ba na ang isang maliit na uod ay lumapastangan sa Akin? Paano Ko mailalagay ang ganoong mga anak ng pagsuway sa gitna ng Aking mga walang-hanggang pagpapala? Ang inyong mga salita at gawa ay matagal nang naglantad at humatol sa inyo. Nang Aking iniunat ang mga kalangitan at nilikha ang lahat ng bagay, hindi Ko tinulutan ang kahit anong nilalang na lumahok ayon sa kanilang kagustuhan, lalong hindi Ko tinulutan ang kahit na anong bagay na gambalain ang Aking gawain at Aking pamamahala ayon sa kagustuhan nito. Wala Akong hinayaang tao o bagay; paano Ko kahahabagan yaong mga malupit at hindi-makatao tungo sa Akin? Paano Ko mapapatawad yaong mga nag-aalsa laban sa Aking mga salita? Paano Ko kahahabagan yaong mga sumusuway sa Akin? Ang kapalaran ba ng tao ay wala sa mga kamay Ko, ang Makapangyarihan sa lahat? Paano Ko maituturing ang iyong di-pagkamakatuwiran at pagkamasuwayin bilang banal? Paano madudungisan ng iyong mga kasalanan ang Aking kabanalan? Ako ay hindi nadudungisan ng karumihan ng di-matuwid, ni kinatutuwaan Ko ang mga alay ng mga di-matuwid. Kung ikaw ay tapat sa Akin, si Jehova, makukuha mo ba para sa sarili mo ang mga alay sa Aking altar? Magagamit mo ba ang iyong makamandag na dila upang lapastanganin ang Aking banal na pangalan? Makakapag-alsa ka ba laban sa Aking mga salita sa ganitong paraan? Maituturing mo ba ang Aking kaluwalhatian at banal na pangalan bilang isang kasangkapan upang maglingkod kay Satanas, ang masama? Ang Aking buhay ay inilalaan para sa kasiyahan ng mga banal. Paano kita mahahayaang paglaruan ang Aking buhay ayon sa iyong kagustuhan, at gamitin ito bilang isang kasangkapan sa alitan ninyo? Paano kayo nagiging napaka-walang-puso, at kulang na kulang sa daan ng kabutihan, sa kung paano kayo nakikitungo sa Akin? Hindi ba ninyo alam na naitala Ko na ang inyong masasamang gawain sa mga salitang ito ng buhay? Paano ninyo matatakasan ang araw ng poot kapag kinastigo Ko ang Ehipto? Paano Ko kayo mahahayaang labanan at sumuway sa ganitong paraan, nang paulit ulit? Sinasabi Ko sa inyo nang malinaw, pagdating ng araw, ang inyong pagkastigo ay magiging higit na di-matitiis kaysa roon sa Ehipto! Paano ninyo matatakasan ang Aking araw ng poot? Sinasabi Ko sa inyo nang buong katotohanan: Ang Aking pagtitiis ay inihanda para sa inyong masasamang gawain, at umiiral para sa inyong pagkastigo sa araw na iyon. Hindi ba kayo ang siyang magdurusa ng matinding-poot na paghatol kapag napuno na Ako sa Aking pagtitiis? Hindi ba ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay Ko, ang Makapangyarihan sa lahat? Paano Ko mapapayagang suwayin ninyo Ako nang ganito, sa ilalim ng kalangitan? Ang inyong mga buhay ay magiging napakahirap dahil nakatagpo ninyo ang Mesiyas, na nasabing Siyang darating, nguni’t hindi dumating kailanman. Hindi ba kayo ang Kanyang mga kaaway? Si Jesus ay nakipagkaibigan sa inyo, nguni’t kayo ang mga kaaway ng Mesiyas. Hindi ba ninyo alam na bagama’t kayo ay mga kaibigan ni Jesus, ang inyong masasamang gawain ay pumuno ng mga sisidlan niyaong mga karumal-dumal? Kahit na kayo ay napakamalapit kay Jehova, hindi ba ninyo alam na ang inyong masasamang salita ay nakarating na sa mga tainga ni Jehova at pumukaw ng Kanyang poot? Paano Siya magiging malapit sa iyo, at paano Niya hindi susunugin ang iyong mga sisidlan, na puno ng masasamang gawain? Paanong hindi Siya naging iyong kaaway?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang May Katawan ang Makakatakas sa Araw ng Poot
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 339
Tinitingnan Ko ngayon ang iyong mapagpalayaw na laman na manloloko sa Akin, at may maliit lamang Akong babala para sa iyo, bagama’t hindi kita “papatawan” ng pagkastigo. Dapat mong malaman kung anong papel ang ginagampanan mo sa Aking gawain, at pagkatapos ay masisiyahan na Ako. Bukod pa sa mga bagay na ito, kung lalabanan mo Ako o gagastusin mo ang Aking pera, o kakainin mo ang mga sakripisyo para sa Akin, si Jehova, o magkakagatan kayong mga uod, o kung kayo na parang mga aso ay may mga alitan o nilalapastangan ninyo ang isa’t isa—wala Akong pakialam sa anuman diyan. Kailangan lamang ninyong malaman kung ano kayong uri ng mga bagay, at masisiyahan na Ako. Maliban sa lahat ng ito, kung gusto ninyong magsaksakan o labanan ang isa’t isa sa mga salita, ayos lang; wala Akong hangaring makialam sa gayong mga bagay, at hindi Ako sangkot sa mga usapin ng tao. Hindi sa wala Akong pakialam tungkol sa mga alitan sa pagitan ninyo; kaya lang hindi Ako isa sa inyo, at sa gayon ay hindi Ako nakikibahagi sa mga usapin sa pagitan ninyo. Ako Mismo ay hindi isang nilalang at hindi Ako sa mundo, kaya kinamumuhian Ko ang magulong buhay ng mga tao at ang magulo at di-wastong mga ugnayan sa pagitan nila. Kinamumuhian Ko lalo na ang maiingay na umpukan ng mga tao. Gayunman, malalim ang kaalaman Ko tungkol sa mga karumihan sa puso ng bawat nilalang, at bago Ko kayo nilikha, alam Ko na ang di-pagkamatuwid na umiral sa kaibuturan ng puso ng mga tao, at alam Ko ang lahat ng panlilinlang at kabuktutan sa puso ng tao. Samakatuwid, kahit ni wala man lang anumang mga bakas kapag gumagawa ng masasamang bagay ang mga tao, alam Ko pa rin na ang kasamaang kimkim ninyo sa inyong puso ay higit pa sa kayamanan ng lahat ng bagay na Aking nilikha. Bawat isa sa inyo ay nakaakyat na sa tugatog ng maraming tao; nakaakyat na kayo upang maging mga ninuno ng masa. Masyado kayong padalus-dalos, at naghuhuramentado kayo sa gitna ng lahat ng uod, na naghahanap ng isang maginhawang lugar at nagtatangkang lamunin ang mga uod na mas maliliit kaysa sa inyo. Malisyoso kayo at masama sa inyong puso, na higit pa maging sa mga multo na lumubog na sa pusod ng dagat. Naninirahan kayo sa ilalim ng dumi, ginagambala ang mga uod mula ibabaw hanggang ilalim hanggang sa mawalan na ng kapayapaan ang mga ito, nag-aaway sandali at pagkatapos ay kumakalma. Hindi ninyo alam ang inyong lugar, subalit nilalabanan pa rin ninyo ang isa’t isa sa dumi. Ano ang mapapala ninyo sa ganyang sagupaan? Kung totoong mayroon kayong pagpipitagan para sa Akin sa inyong puso, paano ninyo naaatim na mag-away-away sa Aking likuran? Gaano man kataas ang iyong katungkulan, hindi ba mabaho ka pa ring maliit na uod sa dumi? Magagawa mo bang magpatubo ng mga pakpak at maging isang kalapati sa himpapawid? Ninanakaw ninyong mababahong maliliit na uod ang mga alay mula sa altar Ko, si Jehova; sa paggawa noon, kaya ba ninyong sagipin ang inyong nasira at bumagsak na reputasyon at maging hinirang na mga tao ng Israel? Kayong mga walanghiya! Ang mga sakripisyong iyon sa altar ay inialay sa Akin ng Aking mga tao, bilang pagpapahayag ng mabubuting damdamin mula sa mga nagpipitagan sa Akin. Ang mga iyon ay para Aking kontrolin at Aking gamitin, kaya paano mo Ako posibleng nakawan ng maliliit na kalapating ipinagkaloob sa Akin ng mga tao? Hindi ka ba natatakot na maging isang Judas? Hindi ka ba natatakot na baka mapuno ng dugo ang iyong lupain? Ikaw na walanghiya! Palagay mo ba, ang mga kalapating inialay ng mga tao ay para busugin ang tiyan mo na isang uod? Ang naibigay Ko sa iyo ay ang nasisiyahan at handa Akong ibigay sa iyo; ang hindi Ko naibigay sa iyo ay gagamitin Ko kung paano Ko gusto. Hindi mo maaaring basta na lang nakawin ang mga alay sa Akin. Ang Siyang gumagawa ay Ako, si Jehova—ang Panginoon ng paglikha—at nag-aalay ng mga sakripisyo ang mga tao dahil sa Akin. Palagay mo ba, kabayaran ito para sa lahat ng pag-aabalang ginagawa mo? Wala ka talagang kahihiyan! Para kanino ka ba nag-aabala? Hindi ba para sa sarili mo? Bakit mo ninanakaw ang mga sakripisyo sa Akin? Bakit ka nagnanakaw ng pera mula sa Aking supot ng salapi? Hindi ba ikaw ang anak ni Judas Iscariote? Ang mga sakripisyo sa Akin, si Jehova, ay para tamasahin ng mga saserdote. Saserdote ka ba? Nangangahas kang kainin nang may kayabangan ang mga sakripisyo sa Akin, at inihahain mo pa ang mga iyon sa mesa; wala kang kuwenta! Ikaw ay walang kuwentang walanghiya! Susunugin ka ng Aking apoy, ang apoy ni Jehova!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag ang mga Dahong Nalalaglag ay Bumalik sa mga Ugat Nito, Pagsisisihan Mo ang Lahat ng Kasamaang Nagawa Mo
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 340
Napakaganda ng pananampalataya ninyo; sinasabi ninyong handa kayong gugulin ang buong buhay ninyo sa ngalan ng gawain Ko, at na handa kayong ialay ang mga buhay ninyo para dito, ngunit hindi gaanong nagbago ang mga disposisyon ninyo. Mapagmataas lamang kayong nagsasalita, sa kabila ng katotohanang ubod ng sama ng aktuwal na pag-uugali ninyo. Ito ay para bang nasa langit ang mga dila at labi ng mga tao ngunit naroroon sa lupa ang mga binti nila, at bunga nito, gutay-gutay at wasak pa rin ang mga salita at mga gawa at mga dangal nila. Nawasak na ang mga dangal ninyo, malahayop ang ugali ninyo, ang paraan ninyo ng pagsasalita ay mababa, at kasuklam-suklam ang mga buhay ninyo; maging ang kabuuan ng pagkatao ninyo ay lumubog na sa hamak na kababaan. Makitid ang isip ninyo tungo sa iba, at nakikipagtalo kayo sa bawat maliit na bagay. Nakikipag-away kayo tungkol sa sarili ninyong mga reputasyon at katayuan, kahit na sa puntong handa kayong bumaba sa impiyerno at sa lawa ng apoy. Sapat na sa Akin ang kasalukuyang mga salita at mga gawa ninyo upang matukoy na makasalanan kayo. Ang saloobin ninyo tungo sa gawain Ko ay husto na para matukoy Ko na kayo ay mga di-matuwid, at ang lahat ng mga disposisyon ninyo ay sapat na upang masabing kayo ay ang mga marurungis na kaluluwang puno ng mga karimarimarim na bagay. Ang mga ipinamamalas ninyo at kung ano ang ibinubunyag ninyo ay husto na upang sabihing mga tao kayong nakainom ng labis na dugo ng maruruming espiritu. Kapag nababanggit ang pagpasok sa kaharian, hindi ninyo ibinubunyag ang mga damdamin ninyo. Naniniwala ba kayong kung ano kayo ngayon ay sapat na para makalakad kayo papasok sa pultahan ng Aking kaharian ng langit? Naniniwala ba kayong makakapasok kayo sa banal na lupain ng gawain at mga salita Ko, nang hindi Ko muna nasusubok ang sarili ninyong mga salita at mga gawa? Sino ang makapagtatakip sa mga mata Ko? Paano makatatakas sa paningin Ko ang kasuklam-suklam at abang mga pag-uugali at mga pakikipag-usap ninyo? Natukoy Ko na ang mga buhay ninyo bilang mga buhay ng pag-inom ng dugo at pagkain ng laman nila na maruruming espiritu sapagkat tinutularan ninyo ang mga ito sa harapan Ko bawat araw. Sa harap Ko, masyadong masama ang pag-uugali ninyo, kaya paano Ko kayo hindi maituturing na nakasusuklam? Naglalaman ang mga salita ninyo ng mga karumihan ng maruruming espiritu: Nanlilinlang, nagkukubli, at nambobola kayo kagaya nila na nakikibahagi sa pangkukulam at kagaya nila na taksil at umiinom ng dugo ng mga hindi matuwid. Ubod ng baliko ang lahat ng mga pagpapahayag ng tao, kaya paano mailalagay ang lahat ng tao sa banal na lupain kung saan naroroon ang mga matuwid? Iniisip mo bang ituturing kang banal dahil sa kasuklam-suklam mong pag-uugali kumpara sa kanila na hindi matuwid? Sisirain kalaunan ng mala-ahas mong dila itong laman mong nagdudulot ng pagkawasak at gumagawa ng mga karimarimarim na bagay, at ang mga kamay mong iyon na nababalutan ng dugo ng maruruming espiritu ay hihilahin din kalaunan ang kaluluwa mo sa impiyerno. Kung gayon, bakit hindi ka lumulukso sa pagkakataong ito na linisin ang mga kamay mong puno ng dungis? At bakit hindi mo sinasamantala ang pagkakataong ito na putulin ang dila mong iyan na nagsasalita ng hindi matuwid na mga salita? Maaari kayang handa kang magdusa sa mga apoy ng impiyerno alang-alang sa mga kamay, dila, at mga labi mo? Binabantayan Ko ng dalawang mata ang puso ng lahat, sapagkat matagal na panahon bago Ko pa nilikha ang sangkatauhan, nahawakan Ko na ang mga puso nila sa Aking mga kamay. Matagal Ko nang natalos ang mga puso ng mga tao, kaya paano makatatakas sa paningin Ko ang mga kaisipan nila? Paanong hindi pa masyadong huli upang makatakas sila sa pagsunog ng Espiritu Ko?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 341
Mas mabait kaysa sa mga kalapati ang mga labi mo, ngunit ang puso mo ay mas masama kaysa sa ahas noong unang panahon. Kasing ganda maging ng mga kababaihan ng Lebanon ang mga labi mo, gayon pa man hindi mas mabuti ang puso mo kaysa sa kanila, at tiyak na hindi ito maihahambing sa kagandahan ng mga taga-Canaan. Masyadong taksil ang puso mo! Ang mga bagay na kinasusuklaman Ko ay ang mga labi lamang ng mga hindi matuwid at ang mga puso nila, at ang mga hinihingi Ko sa mga tao ay hindi mas mataas sa anumang paraan kaysa sa inaasahan Ko sa mga banal; nakararamdam lamang Ako ng pagkasuklam para sa masasamang gawain ng mga hindi matuwid, at umaasa Akong magagawa nilang itakwil ang karumihan nila at tumakas mula sa kasalukuyan nilang suliranin upang umangat sila mula sa kanila na hindi matuwid at mamuhay at maging banal kasama nila na matuwid. Kayo ay nasa kalagayang katulad ng sa Akin, gayon pa man nababalot kayo ng dungis; hindi man lamang kayo nagtataglay ni katiting ng pinakaunang wangis ng mga taong nilikha noong simula. Bukod dito, sapagkat araw-araw ninyong tinutularan ang tulad nila na maruruming espiritu, ginagawa ang ginagawa nila at sinasabi ang sinasabi nila, ang lahat ng mga bahagi ninyo—maging ang mga dila at mga labi ninyo—ay nakababad sa mabahong tubig nila, hanggang sa puntong ganap na kayong nababalutan ng gayong mga mantsa, at wala kahit isang bahagi ninyo ang maaaring gamitin para sa gawain Ko. Masyado itong makadurog-puso! Namumuhay kayo sa ganitong daigdig ng mga kabayo at baka, gayon pa man ay hindi talaga kayo nakararamdam ng ligalig; puno kayo ng galak at namumuhay kayo nang malaya at magaan. Lumalangoy kayo sa paligid ng mabahong tubig na iyon, gayon pa man hindi mo talaga napagtatantong nahulog ka na sa gayong suliranin. Bawat araw, nakikisama ka sa maruruming espiritu at nakikipag-ugnayan sa “dumi ng tao.” Talagang bulgar ang mga buhay ninyo, gayon pa man hindi mo talaga namamalayang lubos kang hindi umiiral sa daigdig ng mga tao at na hindi ikaw ang nagkokontrol sa sarili mo. Hindi mo ba alam na ang buhay mo ay matagal nang nayurakan ng maruruming espiritung iyon, o na ang pagkatao mo ay matagal nang nadungisan ng mabahong tubig? Iniisip mo bang namumuhay ka sa panlupang paraiso, at na nasa gitna ka ng kaligayahan? Hindi mo ba alam na namuhay ka ng isang buhay sa tabi ng maruruming espiritu, at na magkasama kayong umiral kasama ng lahat ng bagay na inihanda ng mga ito para sa iyo? Paano magkakaroon ng anumang kahulugan ang paraan ng pamumuhay mo? Paano magkakaroon ng anumang halaga ang buhay mo? Naging masyado kang abala para sa mga magulang mo, mga magulang na maruruming espiritu, gayon pa man wala ka talagang hinagap na ang mga sumisilo sa iyo ay sila na mga magulang na maruruming espiritu na nagsilang sa iyo at nagpalaki sa iyo. Bukod dito, lingid sa kaalaman mong ang lahat ng dungis mo sa katunayan ay ibinigay nila sa iyo; ang alam mo lamang ay na maaari ka nilang dalhan ng “pagtatamasa,” hindi ka nila kinakastigo, ni hindi ka nila hinahatulan, at lalong hindi ka nila sinusumpa. Hindi pa kailanman sila pumutok sa galit sa iyo, ngunit tinatrato ka nila nang may paggiliw at kabaitan. Ang mga salita nila ay bumubusog sa puso mo at bumibighani sa iyo hanggang sa malito ka at, nang hindi ito napagtatanto, ikaw ay idinamay na nila at handa nang maglingkod sa kanila at nagiging labasan ng sama ng loob at tagasilbi nila. Wala kang anumang karaingan, ngunit handa kang gumawa para kanila na parang mga aso, parang mga kabayo; nilinlang ka nila. Sa dahilang ito, ganap na wala kang reaksyon sa gawaing isinasakatuparan Ko. Hindi nakapagtatakang palagi mong nais na palihim na lumusot sa mga daliri Ko, at hindi nakapagtatakang palagi mong nais gumamit ng matatamis na salita upang mapanlinlang na humingi ng pabor mula sa Akin. Lumalabas na mayroon ka nang iba pang plano, iba pang pagsasaayos. Maaari mong makita nang kaunti ang mga kilos Ko bilang ang Makapangyarihan, ngunit wala ka ni katiting na kaalaman sa paghatol at pagkastigo Ko. Wala kang hinagap kung kailan nagsimula ang pagkastigo Ko; ang alam mo lamang ay kung paano Ako dayain—gayon pa man hindi mo alam na hindi Ako magpaparaya sa anumang paglabag mula sa tao. Yamang gumawa ka na ng mga resolusyon na paglingkuran Ako, hindi kita pakakawalan. Isa Akong Diyos na mapanibugho, at isa Akong Diyos na naninibugho sa sangkatauhan. Yamang nailagay mo na ang mga salita mo sa dambana, hindi Ko kukunsintihin ang pagtakbo mo sa mismong harap ng mga mata Ko, ni hindi Ko kukunsintihin na naglilingkod ka sa dalawang panginoon. Inisip mo bang maaari kang magkaroon ng pangalawang pagmamahal matapos mong mailagay na ang mga salita mo sa dambana Ko at sa harap ng mga mata Ko? Paano Ko mapapayagan ang mga tao na gawin Akong isang hangal sa gayong paraan? Inisip mo bang maaari kang basta-basta gumawa ng mga panata at mga panunumpa sa Akin gamit ang dila mo? Paano ka nakagagawa ng mga panunumpa sa trono Ko, ang trono Ko na Siyang Kataas-taasan? Inisip mo bang lumipas na ang mga panunumpa mo? Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo: Kahit pa maaaring pumanaw ang mga laman ninyo, ang mga panunumpa ninyo ay hindi. Sa katapusan, parurusahan Ko kayo batay sa mga panunumpa ninyo. Gayunman, naniniwala kayong magagawa ninyong makitungo sa Akin sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salita ninyo sa harap Ko, at na makapaglilingkod sa maruruming espiritu at masasamang espiritu ang mga puso ninyo. Paano makapagpaparaya ang galit Ko sa kanila na malaaso at malababoy na mga taong dinaraya Ako? Dapat Kong isakatuparan ang mga atas administratibo Ko, at agawin pabalik mula sa mga kamay ng maruruming espiritu ang lahat ng labis na pormal at “relihiyoso” na mayroong pananampalataya sa Akin upang maaari silang “maghintay” sa Akin sa isang disiplinadong pamamaraan, maging Aking baka, maging Aking mga kabayo, at maging nasa awa ng Aking pagkakatay. Ipag-uutos Ko sa iyong ibalik ang dati mong determinasyon at muling paglingkuran Ako. Hindi Ako magpaparaya sa anumang nilikhang nanlilinlang sa Akin. Inisip mo bang maaari kang walang taros na gumawa ng mga hiling at magsinungaling sa harapan Ko? Inisip mo bang hindi Ko narinig o nakita ang mga salita at mga gawa mo? Paano mawawala sa paningin Ko ang mga salita at mga gawa mo? Paano Ko mapahihintulutan ang mga tao na linlangin Ako na katulad niyan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 342
Nasa gitna na ninyo Ako, nakikisalamuha sa inyo sa loob ng ilang tagsibol at taglagas; namuhay na Ako sa gitna ninyo sa loob ng matagal na panahon, at namuhay kasama ninyo. Gaano karami sa kasuklam-suklam ninyong pag-uugali ang nakalampas sa mismong harapan ng mga mata Ko? Patuloy na umaalingawngaw sa mga tainga Ko ang mga taos-puso ninyong mga salita; milyun-milyon ng mga mithiin ninyo ang nailatag na sa dambana Ko—masyadong marami upang mabilang. Gayunman, sa inyong dedikasyon at ayon sa kung ano ang ginugugol ninyo, hindi kayo nagbibigay nang kahit karampot. Hindi man lamang kayo naglalagay ng kahit isang munting patak ng katapatan sa dambana Ko. Nasaan ang mga bunga ng paniniwala ninyo sa Akin? Nakatanggap kayo ng walang-hanggang biyaya mula sa Akin, at nakakita kayo ng walang-hanggang mga hiwaga mula sa langit; ipinakita Ko pa sa inyo ang mga apoy ng langit, ngunit hindi Ko maatim na sunugin kayo. Gayon man, gaano karami ang naibigay ninyo sa Akin bilang kapalit? Gaano karami ang handa kayong ibigay sa Akin? Sa pamamagitan ng pagkaing ibinigay Ko sa iyo na nasa kamay mo, bumaling ka at iniaalay ito sa Akin, kahit umaabot pang sabihing isa itong bagay na nakuha mo kapalit ng pawis ng pinaghirapan mo at na iniaalay mo sa Akin ang lahat ng pag-aari mo. Paanong hindi mo alam na ang “mga ambag” mo sa Akin ay ang lahat ng ninakaw mo lamang mula sa dambana Ko? Bukod dito, ngayon na iniaalay mo ang mga iyan sa Akin, hindi mo ba Ako dinadaya? Paanong hindi mo alam na ang tinatamasa Ko ngayon ay lahat ng mga handog sa dambana Ko, at hindi kung ano ang kinita mo mula sa pagsisipag mo at pagkatapos ay inialay sa Akin? Talagang nangangahas kayong dayain Ako sa ganitong paraan, kaya paano Ko kayo mapapatawad? Paano ninyo nagagawang umasa na matitiis Ko pa ito nang mas matagal? Naibigay Ko na ang lahat-lahat sa inyo. Nabuksan Ko na ang lahat-lahat sa inyo, nagtustos para sa mga pangangailangan ninyo, at binuksan ang mga mata ninyo, gayon pa man ay dinadaya ninyo Ako na katulad nito, binabalewala ang mga budhi ninyo. Walang pag-iimbot Kong iginawad ang lahat-lahat sa inyo upang kahit pa nagdurusa kayo, nagkamit pa rin kayo mula sa Akin ng lahat-lahat ng nadala Ko mula sa langit. Sa kabila nito, wala kayong dedikasyon sa anumang paraan, at kahit na nakagawa kayo ng munting ambag, sinusubukan ninyong “makipag-ayos ng mga talaan” sa Akin pagkatapos. Hindi ba ang ambag mo ay mawawalan ng halaga? Ang naibigay mo sa Akin ay isang butil lamang ng buhangin, gayon pa man ang hiningi mo sa Akin ay isang toneladang ginto. Hindi ka ba nagiging wala sa katwiran? Gumagawa Ako sa gitna ninyo. Lubos na walang bakas ng sampung porsiyentong dapat Akong mabigyan, lalo na ng anumang karagdagang mga sakripisyo. Higit pa rito, ang sampung porsiyentong iyon na iniambag nila na tapat ay sinunggaban ng masasama. Hindi ba kayo nakakalat na lahat mula sa Akin? Hindi ba kayo palatutol na lahat sa Akin? Hindi ba ginigiba ninyong lahat ang dambana Ko? Paano makikita bilang mga kayamanan sa mga mata Ko ang gayong mga tao? Hindi ba sila mga baboy at mga asong kinamumuhian Ko? Paano Ko ituturing ang paggawa ninyo ng masama bilang isang kayamanan? Para kanino talaga ang ginagawa Ko? Maaari bang ang layunin nito ay para lamang hampasin kayong lahat upang ibunyag ang awtoridad Ko? Hindi ba ang mga buhay ninyo ay nakasalalay lahat sa iisang salita mula sa Akin? Bakit kaya gumagamit lamang Ako ng mga salita upang tagubilinan kayo, at hindi ginawang mga katotohanan ang mga salita upang hampasin kayo sa lalong madaling panahon na kaya Ko? Ang layunin ba ng mga salita at gawain Ko ay para lamang hampasin ang sangkatauhan? Isa ba Akong Diyos na walang habas na pumapatay ng mga walang sala? Sa ngayon, ilan sa inyo ang pumupunta sa harap Ko sa inyong buong pagkatao upang maghangad ng tamang landas sa buhay ng mga tao? Ito lamang mga katawan ninyo ang nasa harapan Ko; nakatakas pa rin ang mga puso ninyo, at malayung-malayo sa Akin. Sapagkat hindi ninyo alam kung ano talaga ang gawain Ko, mayroong ilan sa inyong nais na lisanin Ako at ilayo ang mga sarili ninyo mula sa Akin, at sa halip ay umaasa na mamumuhay sa isang paraisong walang pagkastigo o paghatol. Hindi ba ito ang hinahangad ng mga tao sa mga puso nila? Tiyak na hindi Ko sinusubukang pilitin ka. Anumang landas ang tatahakin mo ay sarili mong kagustuhan. Ang landas ngayon ay may kasamang paghatol at mga sumpa, ngunit dapat malaman ninyong lahat na ang lahat ng iginawad Ko sa inyo—maging mga paghatol man ito o mga pagkastigo—ay ang mga pinakamahusay na kaloob na maipagkakaloob Ko sa inyo, at ang lahat ng mga ito ay mga bagay na kailangang-kailangan na ninyo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 343
Naisagawa Ko na ang napakaraming gawain sa mundo at nakapamuhay na sa piling ng sangkatauhan nang napakaraming taon, subalit bihirang magkaroon ng kaalaman ang mga tao tungkol sa Aking larawan at Aking disposisyon, at kakaunting tao lang ang lubos na nakapagpapaliwanag sa gawaing Aking ginagawa. Napakaraming kulang sa mga tao, lagi silang kulang sa pag-unawa sa Aking ginagawa, at laging alerto ang kanilang puso na para bang matindi ang takot nila na baka ilagay Ko sila sa isa pang sitwasyon at pagkatapos ay pabayaan Ko na sila. Sa gayon, lagi silang walang sigla at masyadong maingat sa pakikitungo nila sa Akin. Ito ay dahil napunta sa kasalukuyan ang mga tao nang hindi nauunawaan ang gawaing ginagawa Ko, at lalo na, nalilito sila sa mga salitang sinasambit Ko sa kanila. Hawak nila ang Aking mga salita sa kanilang mga kamay, na hindi alam kung dapat ba silang mangakong magiging tapat sa paniniwala sa mga ito o kung dapat ba nilang piliing huwag magpasya at kalimutan ang mga ito. Hindi nila alam kung dapat ba nilang isagawa ang mga ito, o kung hihintayin nila kung ano ang mangyayari, kung dapat ba nilang isantabi ang lahat at matapang na sumunod, o patuloy na kaibiganin ang mundo tulad ng dati. Napakakumplikado ng mga takbo ng isip ng mga tao, at napakatuso nila. Dahil hindi malinaw o lubos na maunawaan ng mga tao ang Aking mga salita, marami sa kanila ang nahihirapang isagawa ang mga iyon at nahihirapang ialay ang kanilang puso sa Aking harapan. Lubos Kong nauunawaan ang inyong mga paghihirap. Maraming kahinaan ang hindi maiiwasan kapag nabubuhay sa laman, at maraming bagay na walang kinikilingan ang lumilikha ng mga paghihirap para sa inyo. Pinapakain niyo ang inyong pamilya, maghapon kayong nagpapakasipag, at lumilipas ang mga buwan at taon sa paghihirap. Maraming paghihirap sa pamumuhay sa laman—hindi Ko ito ikinakaila, at siyempre ang mga ipinagagawa Ko sa inyo ay alinsunod sa inyong mga paghihirap. Ang mga kinakailangan Ko sa gawaing Aking ginagawa ay pawang nakabatay sa inyong aktuwal na tayog. Marahil dati, ang mga kinakailangan sa inyo ng mga tao sa kanilang gawain ay may halong mga elemento ng kalabisan, ngunit dapat ninyong malaman na hindi Ko kayo kailanman pinagawa nang sobra-sobra sa Aking sinasabi at ginagawa. Lahat ng kinakailangan ay batay sa kalikasan, laman, at pangangailangan ng mga tao. Dapat ninyong malaman, at masasabi Ko sa inyo nang napakalinaw, na hindi Ko sinasalungat ang ilang makatwirang paraan ng pag-iisip ng mga tao, at hindi Ko sinasalungat ang angking kalikasan ng sangkatauhan. Dahil lamang hindi nauunawaan ng mga tao kung ano talaga ang mga pamantayang itinakda Ko sa kanila, ni hindi nila nauunawaan ang orihinal na kahulugan ng Aking mga salita, na hindi pa rin gaanong pinaniniwalaan ng mga tao ang Aking mga salita hanggang ngayon, at wala pa sa kalahati ng mga tao ang naniniwala sa Aking mga salita. Ang nalalabi ay mga walang pananampalataya, at lalo na yaong mga gustong marinig Akong “magkuwento.” Bukod dito, maraming natutuwang panoorin ito. Binabalaan Ko kayo: Marami sa Aking mga salita ang nabuksan na sa mga naniniwala sa Akin, at yaong mga nagtatamasang tingnan ang magandang tanawin ng kaharian ngunit napagsarhan ng tarangkahan nito ay inalis Ko na. Hindi ba masasamang damo lamang kayo na kinasuklaman at tinanggihan Ko? Paano ninyo naatim na masdan ang pag-alis Ko at pagkatapos ay masayang salubungin ang Aking pagbalik? Sinasabi Ko sa inyo, matapos marinig ng mga tao sa Ninive ang galit na mga salita ni Jehova, agad silang nagsisi na nakadamit ng kayong magaspang na may mga abo. Dahil naniwala sila sa Kanyang mga salita kung kaya sila puno ng takot at pangamba at sa gayon ay nagsisi suot ang kayong magaspang na may mga abo. Patungkol sa mga tao sa panahong ito, bagama’t naniniwala rin kayo sa Aking mga salita at higit pa riyan, naniniwala kayo na muling naparito si Jehova sa gitna ninyo ngayon, puro kawalang-pitagan ang inyong pag-uugali, na para bang inoobserbahan lang ninyo si Jesus na isinilang sa Judea libu-libong taon na ang nakalilipas at bumaba na ngayon sa gitna ninyo. Lubos Kong nauunawaan ang panlilinlang na umiiral sa inyong puso; sumusunod sa Akin ang karamihan sa inyo para mag-usisa at naparito upang hanapin Ako dahil sa kahungkagan. Kapag hindi ninyo natamo ang inyong ikatlong kahilingan—ang kahilingan ninyo para sa isang mapayapa at masayang buhay—napapawi rin ang inyong pag-uusisa. Nalalantad ang panlilinlang na umiiral sa puso ng bawat isa sa inyo sa pamamagitan ng inyong mga salita at gawa. Sa deretsahang pagsasalita, nag-uusisa lamang kayo tungkol sa Akin, ngunit hindi kayo natatakot sa Akin; hindi kayo nag-iingat sa inyong pananalita, at lalo nang hindi niyo kinokontrol ang inyong pag-uugali. Kung gayon ay anong klase ba talaga ang inyong pananampalataya? Tunay ba iyon? Ginagamit lamang ninyo ang Aking mga salita para mawala ang inyong mga pag-aalala at mabawasan ang inyong pagkabagot, para punan ang natitirang kahungkagan sa buhay mo. Sino sa inyo ang nagsagawa na ng Aking mga salita? Sino ang may tunay na pananampalataya? Patuloy ninyong isinisigaw na ang Diyos ay isang Diyos na nakikita ang kaibuturan ng puso ng mga tao, ngunit paano naging tugma sa Akin ang Diyos na inyong ipinagsisigawan sa puso ninyo? Dahil sumisigaw kayo nang ganito, bakit ganyan kayong kumilos? Maaari kayang ito ang pagmamahal na nais ninyong isukli sa Akin? Hindi kakatiting ang dedikasyon sa inyong mga labi, ngunit nasaan ang inyong mga sakripisyo, at ang inyong mabubuting gawa? Kung hindi dahil sa inyong mga salita na nakararating sa Aking mga tainga, paano Ko kayo labis na kamumuhian? Kung tunay kayong naniwala sa Akin, paano kayo naging ganyan kabalisa? May lumbay sa inyong mukha na para bang kayo ay nililitis sa Hades. Wala kayo ni katiting na sigla, at mahina kayong magsalita tungkol sa tinig sa inyong kalooban; puno pa nga kayo ng mga reklamo at sumpa. Matagal na kayong nawalan ng pananampalataya sa Aking ginagawa at naglaho na maging ang inyong orihinal na pananampalataya, kaya paano kayo posibleng makakasunod hanggang sa huli? Dahil dito, paano kayo maliligtas?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita para sa mga Kabataan at Matatanda
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 344
Bagama’t malaking tulong sa inyo ang Aking gawain, ang Aking mga salita ay laging hindi ninyo napapansin at balewala sa inyo. Mahirap makahanap ng mga bagay na gagawin Kong perpekto, at ngayon ay muntik na Akong mawalan ng pag-asa sa inyo. Ilang taon na Akong naghanap sa gitna ninyo, ngunit mahirap makahanap ng isang maaari Kong pagtapatan. Pakiramdam Ko parang wala Akong tiwala na patuloy na gumawa sa inyo, at wala na Akong pagmamahal na magagamit para patuloy pa kayong mahalin. Dahil ito sa matagal na Akong nasusuklam sa inyong “mga nakamit,” na napakaliit at kahabag-habag; para bang hindi pa Ako kailanman nakapangusap at nakagawa sa inyo. Masyadong nakakasuka ang inyong mga nakamit. Lagi ninyong sinisira at pinahihiya ang inyong sarili, at halos wala kayong halaga. Nahihirapan Akong makahanap ng wangis ng isang tao sa inyo, ni hindi Ko maamoy ang samyo ng isang tao. Nasaan ang inyong sariwang amoy? Nasaan ang halagang ibinayad ninyo sa loob ng maraming taon, at nasaan ang mga resulta? Wala pa ba kayong nakitang anuman kailanman? Ang Aking gawain ngayon ay may bagong panimula, isang bagong simula. Isasagawa Ko ang Aking mga dakilang plano at nais Kong magsakatuparan ng mas dakila pang gawain, subalit nakalublob pa rin kayo sa putik gaya ng dati, nabubuhay sa maruruming tubig ng nakaraan, at halos hindi ninyo mapalaya ang inyong sarili mula sa inyong orihinal na masamang kalagayan. Kung gayon, wala pa rin kayong natamong anuman mula sa Aking mga salita. Hindi pa rin ninyo napapalaya ang inyong sarili mula sa orihinal na lugar ninyo na putikan at maruming tubig, at ang alam lamang ninyo ay ang Aking mga salita, ngunit sa katunayan hindi pa kayo nakapasok sa daigdig ng kalayaan ng Aking mga salita, kaya hindi pa kailanman nabuksan ang Aking mga salita sa inyo; para silang isang aklat ng propesiya na libu-libong taon nang selyado. Nagpapakita Ako sa inyo sa inyong buhay ngunit palaging hindi ninyo iyon namamalayan. Ni hindi ninyo Ako nakikilala. Halos kalahati ng mga salitang Aking sinasabi ay para hatulan kayo, at kalahati lamang ng nararapat ang nagiging epekto nito, na magkintal ng labis na takot sa inyong kalooban. Ang natitirang kalahati ay binubuo ng mga salita upang turuan kayo tungkol sa buhay at kung paano kayo kikilos. Gayunman, mukhang pagdating sa inyo ay hindi man lang umiiral ang mga salitang ito, o parang nakikinig kayo sa mga salita ng mga bata, mga salitang lagi ninyong pinakikitaan ng tagong ngiti, ngunit hindi ninyo ginagawa kailanman. Hindi kayo nag-alala kailanman tungkol sa mga bagay na ito; palaging dahil lang talaga gusto ninyong mag-usisa kaya ninyo inobserbahan ang Aking mga kilos, kaya ngayon ay nasadlak na kayo sa kadiliman at hindi ninyo makita ang liwanag, kaya nga nakakaawa ang iyak ninyo sa dilim. Ang nais Ko ay ang inyong pagsunod, ang inyong walang-kundisyong pagsunod, at higit pa riyan, hinihingi Kong ganap kayong maging tiyak sa lahat ng sinasabi Ko. Hindi kayo dapat magpabaya at lalo nang hindi kayo dapat mamili sa mga bagay na sinasabi Ko, ni ipagwalang-bahala ang Aking mga salita at Aking gawain, gayundin ang inyong ugali. Isinasagawa ang Aking gawain sa gitna ninyo at napakarami sa Aking mga salita ang naipagkaloob Ko na sa inyo, ngunit kung tatratuhin ninyo Ako nang ganito, maibibigay Ko na lamang sa mga pamilyang Hentil yaong hindi ninyo natamo o naisagawa. Sino sa lahat ng nilikha ang hindi Ko hawak sa Aking mga kamay? Karamihan sa inyo ay “matatanda na,” at wala kayong lakas na tanggapin ang klaseng ito ng Aking gawain. Para kayong isang ibong Hanhao,[a] na bahagya lamang nakakaraos sa buhay, at hindi ninyo sineryoso kailanman ang Aking mga salita. Ang mga kabataan ay masyadong hambog at mapagmalabis at lalong hindi inaalintana ang Aking gawain. Wala silang interes na magpakabusog sa masasarap na pagkain sa Aking piging; para silang isang munting ibon na nakalipad palabas ng kulungan nito upang makipagsapalaran sa malayo. Paano makakatulong sa Akin ang ganitong klaseng mga kabataan at matatanda?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita para sa mga Kabataan at Matatanda
Talababa:
a. Ang kuwento ng ibong Hanhao ay labis na kapareho ng pabula ni Aesop tungkol sa langgam at tipaklong. Pinili ng ibong Hanhao na matulog sa halip na gumawa ng isang pugad habang ang panahon ay mainit, sa kabila ng paulit-ulit na mga babala mula sa kanyang kapitbahay, na isang magpie. Nang dumating ang taglamig, ang ibon ay nanigas sa lamig hanggang mamatay.
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 345
Bagama’t parang mga batang leon kayong lahat na kabataan, bihira kayong magkaroon ng tunay na daan sa inyong puso. Ang inyong kabataan ay hindi kayo binibigyan ng karapatan na makamtan ang iba pa sa Aking gawain; bagkus, lagi ninyong pinupukaw ang Aking pagkasuklam sa inyo. Kahit bata pa kayo, wala kayong sigla o kaya nama’y wala kayong ambisyon, at lagi kayong umiiwas tungkol sa inyong kinabukasan; parang balewala iyon sa inyo at nabubugnot kayo. Masasabi na ang sigla, mga mithiin, at paninindigang dapat matagpuan sa mga kabataan, ay talagang hindi matagpuan sa inyo; kayo, na ganitong klaseng kabataan, ay walang paninindigan at walang kakayahang tukuyin kung alin ang tama at mali, mabuti at masama, maganda at pangit. Imposibleng makahanap ng anumang mga elemento ninyo na sariwa. Halos makaluma kayong lahat, at kayo, na ganitong klaseng kabataan, ay natuto ring sumunod sa agos, na maging di-makatwiran. Hindi ninyo malinaw na natutukoy kailanman ang tama sa mali, hindi ninyo nakikita ang pagkakaiba sa pagitan ng tunay at huwad, hindi kayo nagsusumikap kailanman na maging mahusay, ni hindi ninyo kayang masabi kung ano ang tama at ano ang mali, ano ang katotohanan at ano ang pagpapaimbabaw. Mas mabigat at mas matindi ang amoy ng relihiyon sa inyo kaysa sa matatanda. Mayayabang pa kayo at wala sa katwiran, nakikipagpaligsahan kayo, at napakatindi ng hilig ninyong mang-away—paano magtataglay ng katotohanan ang ganitong klaseng kabataan? Paano maaaring tumayong saksi ang isang taong hindi kayang manindigan? Paano matatawag na kabataan ang isang taong walang kakayahang matukoy ang kaibahan sa pagitan ng tama at mali? Paano matatawag na tagasunod Ko ang isang taong walang sigla, lakas, kasariwaan, kahinahunan, at katatagan ng isang kabataan? Paano magiging karapat-dapat na maging saksi Ko ang isang taong walang taglay na katotohanan, walang pagkaunawa sa katarungan, ngunit mahilig makipaglaro at makipaglaban? Ang mga matang puno ng panlilinlang at pagkiling sa iba ay mga bagay na hindi dapat taglayin ng mga kabataan, at hindi dapat magsagawa ang mga kabataan ng mapanira at kasuklam-suklam na mga gawain. Hindi sila dapat mawalan ng mithiin, hangarin, at masigasig na pagnanasang pagbutihin ang sarili nila; hindi sila dapat panghinaan ng loob tungkol sa kanilang mga pag-asam, at ni hindi sila dapat mawalan ng pag-asa sa buhay o ng tiwala sa hinaharap; dapat silang magtiyagang magpatuloy sa daan ng katotohanan na pinili na nila ngayon—upang matanto ang kanilang naising gugulin ang kanilang buong buhay para sa Akin. Hindi sila dapat mawalan ng katotohanan, ni hindi sila dapat maging mapagpaimbabaw at makasalanan—dapat silang maging matatag sa wastong paninindigan. Hindi sila dapat magpatangay na lamang, kundi dapat silang magkaroon ng espiritung may tapang na magsakripisyo at makibaka para sa katarungan at katotohanan. Ang mga kabataan ay dapat magkaroon ng katapangang huwag sumuko sa pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman at baguhin ang kabuluhan ng kanilang pag-iral. Hindi dapat isuko ng mga kabataan ang kanilang sarili sa paghihirap, kundi dapat silang maging bukas at prangka, at mapagpatawad sa kanilang mga kapatid. Siyempre, ito ang mga hinihingi Ko sa lahat, at ang Aking payo sa lahat. Ngunit higit pa riyan, ito ang Aking mga salitang magpapaginhawa sa lahat ng kabataan. Dapat kayong magsagawa ayon sa Aking mga salita. Lalo na, hindi dapat mawalan ng paninindigan ang mga kabataan na gamitin ang pagkakilala sa mga isyu at maghanap ng katarungan at katotohanan. Dapat ninyong hangarin ang lahat ng bagay na maganda at mabuti, at dapat ninyong matamo ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Dapat kayong maging responsable sa inyong buhay, at huwag ninyong maliitin ito. Pumaparito sa lupa ang mga tao at bihira Akong makatagpo, at bihira ding magkaroon ng oportunidad na hanapin at matamo ang katotohanan. Bakit hindi ninyo pahalagahan ang magandang pagkakataong ito bilang tamang landas na tatahakin sa buhay na ito? At bakit ninyo binabalewala palagi ang katotohanan at katarungan? Bakit ninyo palaging niyuyurakan at sinisira ang inyong sarili para sa kasamaan at karumihang nilalaro ang mga tao? At bakit kayo kumikilos na katulad ng matatandang iyon na nakikisali sa ginagawa ng masasama? Bakit ninyo ginagaya ang mga lumang paraan ng mga lumang bagay? Dapat mapuno ng katarungan, katotohanan, at kabanalan ang inyong buhay; hindi dapat maging ubod ng sama ang inyong buhay sa napakamurang edad, na maghahantong sa inyo na masadlak sa Hades. Hindi ba ninyo nadarama na ito ay magiging isang kakila-kilabot na kasawian? Hindi ba ninyo nadarama na magiging lubha itong hindi makatarungan para sa inyo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita para sa mga Kabataan at Matatanda
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 346
Kung ang napakalawak na gawain, at napakaraming salita, ay hindi tumalab sa iyo, kung gayon kapag dumating ang panahon upang ipalaganap ang gawain ng Diyos hindi mo magagampanan ang iyong tungkulin, at mapapahiya at hahamakin. Sa panahong iyon, madarama mo na napakalaki ang utang mo sa Diyos, na ang iyong kaalaman sa Diyos ay napakababaw. Kung hindi mo hinahabol ang kaalaman sa Diyos ngayon, habang Siya ay gumagawa, kung gayon sa kalaunan ay magiging masyadong huli na. Sa katapusan, ikaw ay walang kaalamang masasabi—ikaw ay maiiwang hungkag, wala kahit ano. Ano nga ang iyong gagamitin upang magsulit sa Diyos? Mayroon ka bang lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Kailangan mong maging masigasig ngayon sa iyong paghahabol, upang sa katapusan, tulad ni Pedro, malalaman mo kung gaano kapaki-pakinabang ang pagkastigo at paghatol ng Diyos sa tao, at kung wala ang Kanyang pagkastigo at paghatol, ang tao ay hindi maililigtas, at malulubog lamang nang higit na malalim tungo rito sa maruming lupain, higit na malalim tungo sa putikan. Ang mga tao na ginawang tiwali ni Satanas ay gumawa na ng intriga laban sa isa’t isa at nagtatapakan sa isa’t isa, ay nawalan na ng takot sa Diyos. Ang kanilang pagkamasuwayin ay napakatindi, ang kanilang kuru-kuro ay napakarami, at ang lahat ay kabilang kay Satanas. Kung wala ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, ang tiwaling disposisyon ng tao ay hindi malilinis at siya ay hindi maililigtas. Kung ano ang inihahayag ng gawain sa katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao ay tiyak na yaong inihayag ng Espiritu, at ang gawain na Kanyang ginagawa ay isinasakatuparan ayon doon sa ginagawa ng Espiritu. Ngayon, kung wala kang kaalaman tungkol sa gawaing ito, kung gayon ikaw ay napakahangal at napakalaki ang nawala sa iyo! Kung hindi mo natamo ang pagliligtas ng Diyos, kung gayon ang iyong paniniwala ay isang relihiyosong pananampalataya, at ikaw ay isang Kristiyanong nasa relihiyon. Dahil ikaw ay nakakapit sa patay na doktrina, naiwala mo ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; ang iba, na naghahangad na mahalin ang Diyos, ay nakamtan ang katotohanan at buhay, samantalang ang iyong pananampalataya ay hindi kayang makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa halip, ikaw ay naging masamang tao, isang taong gumagawa ng nakasisira at nakasusuklam na mga gawain, ikaw ay naging tampulan ng mga panunuya ni Satanas, at isang bihag ni Satanas. Ang Diyos ay hindi dapat paniwalaan ng tao, kundi ibigin niya, habulin at sambahin niya. Kung hindi ka naghahabol ngayon, kung gayon ay darating ang araw kung kailan sasabihin mo, “Bakit hindi ko sinunod ang Diyos nang wasto noon, hindi Siya binigyang-kasiyahan nang wasto, hindi itinaguyod ang mga pagbabago sa aking disposisyon sa buhay? Gaano ang aking pagsisisi sa hindi ko pagpapasakop sa Diyos noon, at sa hindi ko paghahabol na makamit ang kaalaman ng salita ng Diyos. Napakarami ang sinabi ng Diyos noon; bakit hindi ako naghabol? Ako ay napakatanga!” Kapopootan mo ang iyong sarili sa isang tiyak na punto. Ngayon, hindi mo pinaniniwalaan ang mga salitang Aking sinasabi, at hindi mo binibigyang-pansin ang mga iyon; kapag dumating na ang araw para ang gawaing ito ay lumaganap, at nakita mo ang kabuuan nito, magsisisi ka, at sa sandaling yaon ikaw ay matitigilan. Mayroong mga pagpapala, gayunman ay hindi mo alam kung paano magtamasa sa mga yaon, at naroon ang katotohanan, gayunman ay hindi mo ito hinahabol. Hindi ka ba nagdadala ng sumpa sa iyong sarili? Ngayon, bagaman magsisimula pa lamang ang susunod na hakbang sa gawain ng Diyos, walang anumang katangi-tangi tungkol sa mga hinihingi sa iyo at sa kung ano ang ipinasasabuhay sa iyo. Napakalaki ang gawain, at napakarami ang katotohanan; ang mga yaon ba ay hindi karapat-dapat na malaman mo? Hindi ba kayang gisingin ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ang iyong espiritu? Hindi ba kaya ng pagkastigo at paghatol ng Diyos na tulutan kang kamuhian ang iyong sarili? Sapat na ba sa iyo na mamuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, may kapayapaan at kagalakan, at kaunting makalamang kaginhawahan? Hindi ba’t ikaw ang pinakamababa sa lahat ng tao? Wala nang mas hahangal pa kaysa sa mga yaong nakakita sa kaligtasan ngunit hindi hinangad na makamit ito; sila ay mga taong nagpapakabusog sa laman at nasisiyahan kay Satanas. Umaasa ka na ang iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahabol ang mga bagay na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling matataas na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw nga ay walang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat niyaong hindi naghahabol sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay mga hayop? Ang mga patay ba na walang mga espiritu ay lumalakad na mga bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting trabaho lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t dahil ito sa iyong mga kaisipan na masyadong mataas? Hindi ba’t dahil ito sa ikaw ay napakahangal? Kung hindi mo kayang matamo ang mga pagpapalang ito, masisisi mo ba ang Diyos sa hindi pagliligtas sa iyo? Ang iyong hinahabol ay ang matamo ang kapayapaan pagkatapos na maniwala sa Diyos, upang ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, upang ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, upang ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, upang ang iyong anak na babae ay makatagpo ng disenteng asawang lalaki, upang ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, upang magkaroon ng isang taon ng magandang panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahanap. Ang iyong hinahabol ay para mabuhay lamang nang maginhawa, upang walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, upang ang hangin ay lampasan ka lamang, upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, upang ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, upang ikaw ay hindi maapektuhan ng anumang sakuna, upang mabuhay sa pag-iingat ng Diyos, upang mabuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahabol sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tamang daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga naniniwala sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naibigay Ko na sa iyo ang tamang daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang pag-aari. Payag ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano nga ba ang kahalagahan ng mga gayong tao na nabubuhay? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi ka naghahabol ng anumang layunin; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas nang ganito, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tamang daan ay naibigay na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa kasukdulan o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahabol.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 347
Ang inyong laman, ang inyong maluluhong pagnanais, ang inyong pagkagahaman, at ang inyong pagnanasa ay malalim na nakaugat sa inyo. Ang mga bagay na ito ay napakadalas na pumipigil sa inyong mga puso kaya kayo ay walang kapangyarihang iwaksi ang pamatok ng piyudal at nagpapasamang mga kaisipan na iyon. Hindi kayo naghahangad na baguhin ang inyong kasalukuyang sitwasyon, ni takasan ang impluwensiya ng kadiliman. Kayo ay nakatali lamang sa mga bagay na iyon. Kahit alam ninyong lahat na ang buhay na ito ay napakasakit at ang mundong ito ng mga tao ay napakadilim, magkagayon man, wala ni isa man sa inyo ang may tapang na baguhin ang inyong buhay. Nananabik lamang kayong takasan ang mga realidad ng buhay na ito, makamit ang pangingibabaw ng kaluluwa, at mamuhay sa isang mapayapa, masaya, at mistulang langit na kapaligiran. Hindi kayo handang magtiis ng mga paghihirap upang baguhin ang inyong kasalukuyang buhay; ni hindi kayo handang magsaliksik sa loob ng paghatol at pagkastigo na ito para sa buhay na dapat ninyong pasukin. Sa halip, nangangarap kayo ng lubos na di-makatotohanang mga pangarap tungkol sa magandang mundong iyon sa kabilang buhay. Ang buhay na inyong pinananabikan ay iyong maaari ninyong makamit na walang pagod nang hindi nagdurusa ng anumang pasakit. Iyan ay ganap na di-makatotohanan! Dahil ang inyong inaasahan ay hindi ang mamuhay ng isang makabuluhang buhay sa laman at matamo ang katotohanan habambuhay, iyan ay, ang mabuhay para sa katotohanan at tumayo para sa katarungan. Hindi ito ang itinuturing ninyo na isang maningning at nakasisilaw na buhay. Nadarama ninyong ito ay hindi magiging isang kaakit-akit o makabuluhang buhay. Sa pananaw ninyo, ang mamuhay ng gayong buhay ay magiging parang kawalan ng katarungan! Kahit na tanggapin ninyo ang pagkastigong ito ngayon, gayunpaman ang inyong pinagsisikapan ay hindi ang matamo ang katotohanan o ipamuhay ang katotohanan sa kasalukuyan, bagkus ay ang magsimulang mamuhay nang masaya sa kabilang buhay kalaunan. Hindi kayo naghahanap sa katotohanan, ni hindi kayo naninindigan para sa katotohanan, at tiyak na hindi kayo nabubuhay para sa katotohanan. Hindi ninyo pinagsisikapan ang pagpasok ngayon, sa halip ay puno ang inyong mga iniisip ng tungkol sa bukas at ng kung ano ang mangyayari balang araw: Nakatingin kayo sa asul na papawirin, umiiyak ng mapapait na luha, at umaasang madadala sa langit balang araw. Hindi ba ninyo alam na ang paraan ninyo ng pag-iisip ay malayo sa realidad? Lagi ninyong iniisip na ang Tagapagligtas na may walang-hanggang kabaitan at habag ay walang dudang darating balang araw upang isama ka Niya, ikaw na nagtiis ng paghihirap at pagdurusa sa mundong ito, at na lulunasan Niya ang iyong mga hinaing at maghihiganti para sa iyo na nabiktima at naapi. Hindi ka ba puno ng kasalanan? Ikaw lamang ba ang nagdusa sa mundong ito? Ikaw mismo ay nahulog sa nasasakupan ni Satanas at nagdusa—kailangan pa rin ba talagang lunasan ng Diyos ang iyong mga hinaing? Sila na mga hindi kayang tumugon sa mga hinihingi ng Diyos—hindi ba’t kaaway silang lahat ng Diyos? Sila na hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao—hindi ba sila ang anticristo? Ano ang kabuluhan ng iyong mabubuting gawa? Mapapalitan ba ng mga ito ang isang pusong sumasamba sa Diyos? Hindi ka makakatanggap ng mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan lamang ng paggawa ng ilang mabubuting gawa, at hindi lulunasan ng Diyos ang iyong mga hinaing at hindi ka ipaghihiganti para sa mga kamaliang laban sa iyo dahil lamang sa ikaw ay nabiktima o naapi. Sila na mga naniniwala sa Diyos gayunman ay hindi kilala ang Diyos, ngunit gumagawa ng mabubuting gawa—hindi ba’t kinastigo rin silang lahat? Naniniwala ka lamang sa Diyos, gusto mo lamang na itama at ipaghiganti ng Diyos ang mga kamalian laban sa iyo, at nais mo na ipagkaloob ng Diyos sa iyo ang araw mo, ang araw kung kailan ay maitataas mo na sa wakas ang iyong noo. Ngunit tumatanggi kang pag-ukulan ng pansin ang katotohanan at ni hindi ka nauuhaw na isabuhay ang katotohanan. Lalong hindi mo kayang takasan ang mahirap at hungkag na buhay na ito. Sa halip, habang ipinamumuhay ang iyong buhay sa laman at ang iyong buhay ng kasalanan, umaasa ka sa Diyos na itama ang iyong mga hinaing at alisin ang kalabuan sa iyong buhay. Ngunit posible ba ito? Kung taglay mo ang katotohanan, makakasunod ka sa Diyos. Kung mayroon kang pagsasabuhay, maaari kang maging isang pagpapamalas ng salita ng Diyos. Kung mayroon kang buhay, maaari kang magtamasa ng pagpapala ng Diyos. Sila na nagtataglay ng katotohanan ay maaaring magtamasa ng pagpapala ng Diyos. Tinitiyak ng Diyos ang pagtutuwid para sa kanila na nagmamahal sa Kanya nang taos-puso at nagtitiis ng mga paghihirap at mga pagdurusa, ngunit hindi para doon sa mga nagmamahal lamang sa kanilang mga sarili at nabihag sa mga panlilinlang ni Satanas. Paano magkakaroon ng kabutihan sa kanila na hindi umiibig sa katotohanan? Paano magkakaroon ng katuwiran sa kanila na umiibig lamang sa laman? Hindi ba’t ang katuwiran at kabutihan ay parehong binabanggit lamang kaugnay ng katotohanan? Hindi ba’t nakalaan ang mga iyon para sa kanila na buong-pusong nagmamahal sa Diyos? Sila na hindi umiibig sa katotohanan at mga nabubulok na bangkay lamang—hindi ba ang lahat ng taong ito ay nagkakandili ng kasamaan? Sila na walang kakayahang ipamuhay ang katotohanan—hindi ba’t lahat sila ay kaaway ng katotohanan? At ano naman kayo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 348
Noon pa man ay tungkulin Ko na ang pamahalaan ang tao. Bukod pa riyan, ang paglupig sa tao ang itinalaga Ko nang likhain Ko ang mundo. Maaaring hindi alam ng mga tao na ganap Kong lulupigin ang tao sa mga huling araw, o na ang paglupig sa mga suwail sa sangkatauhan ang katibayan na tinalo Ko si Satanas. Ngunit, nang makipaglaban sa Akin ang Aking kaaway, sinabihan Ko na ito na lulupigin Ko yaong mga nabihag ni Satanas at nagawa silang mga anak nito, nagawang matatapat na alipin na nakabantay sa bahay nito. Ang orihinal na kahulugan ng lupigin ay talunin, sumailalim sa kahihiyan; sa wika ng mga Israelita, ang ibig sabihin nito ay lubos na talunin, wasakin, at alisan ng kakayahan na higit Akong malabanan. Ngunit ngayon, kapag ginamit sa inyo, ang kahulugan nito ay lupigin. Dapat ninyong malaman na ang Aking layunin ay ganap na lipulin at pasukuin ang masasama sa sangkatauhan, upang hindi na sila makapaghimagsik laban sa Akin, lalo nang hindi magkaroon ng pagkakataon na guluhin o gambalain ang Aking gawain. Sa gayon, pagdating sa tao, ang salitang ito ay nangahulugan na ng paglupig. Anuman ang mga ipinahihiwatig ng salita, ang Aking gawain ay talunin ang mga tao. Sapagkat samantalang totoo na ang sangkatauhan ay dagdag sa Aking pamamahala, para mas tumpak, ang mga tao ay walang iba kundi ang Aking mga kaaway. Ang mga tao ay ang masasama na lumalaban at sumusuway sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang anak ng masama na Aking isinumpa. Ang mga tao ay walang iba kundi ang mga inapo ng arkanghel na nagkanulo sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang pamana ng diyablo, na tinanggihan Ko nang may pagkamuhi noong unang panahon, na naging kaaway Ko na hindi Ko nakasundo simula noon. Sapagkat ang kalangitan sa itaas ng buong sangkatauhan ay malabo at madilim, wala ni katiting na impresyon ng kalinawan, at ang mundo ng tao ay nalubog sa sukdulang kadiliman, kaya ni hindi makita ng nabubuhay rito ang kanyang nakaunat na kamay na nasa kanyang harapan o ang araw kapag siya ay nakatingala. Ang daan na kanyang tinatapakan, na maputik at puro lubak, ay paliku-liko; nagkalat ang mga bangkay sa buong lupain. Ang madidilim na sulok ay puno ng mga labi ng patay, at sa malalamig at madidilim na sulok ay naninirahan ang mga pulutong ng mga demonyo. At saanman sa mundo ng mga tao paroo’t parito ang mga demonyo nang sama-sama. Ang mga anak ng lahat ng klase ng mga halimaw, na natatakpan ng dumi, ay subsob sa matinding labanan, na ang ingay ay nakasisindak sa puso. Sa gayong mga pagkakataon, sa gayong mundo, sa gayong “paraiso sa lupa,” saan tutungo ang isang tao upang maghanap ng mga kagalakan sa buhay? Saan makakapunta ang isang tao upang mahanap ang kanyang hantungan sa buhay? Ang sangkatauhan, na matagal nang tinatapakan ni Satanas, sa simula pa lamang ay naging isang artistang taglay ang larawan ni Satanas—higit pa riyan, ang sangkatauhan ang sagisag ni Satanas, at nagsisilbing katibayan na nagpapatotoo kay Satanas, nang napakalinaw. Paano makakapagpatotoo sa Diyos ang gayong lahi ng tao, gayong pangkat ng masama’t kasuklam-suklam, gayong supling ng tiwaling pamilyang ito ng tao? Saan galing ang Aking kaluwalhatian? Saan maaaring magsimula ang isang tao na banggitin ang Aking patotoo? Sapagkat ang kaaway, dahil nagawa nang tiwali ang sangkatauhan, ay kinakalaban Ako, naangkin na ang sangkatauhan—ang sangkatauhang nilikha Ko noong unang panahon at pinuspos ng Aking kaluwalhatian at Aking pagsasabuhay—at dinungisan sila. Naagaw nito ang Aking kaluwalhatian, at ang tanging itinanim nito sa tao ay lason na lubhang nahaluan ng kapangitan ni Satanas, at katas mula sa bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Sa simula, nilikha Ko ang sangkatauhan; ibig sabihin, nilikha Ko ang ninuno ng sangkatauhan, si Adan. Pinagkalooban siya ng anyo at larawan, na puno ng lakas, puno ng sigla, at, bukod pa riyan, kapiling ng Aking kaluwalhatian. Iyan ang maluwalhating araw nang likhain Ko ang tao. Pagkatapos niyan, ginawa si Eba mula sa katawan ni Adan, at siya man ay ninuno ng tao, kaya nga ang mga taong nilikha Ko ay puno ng Aking hininga at puno ng Aking kaluwalhatian. Si Adan ay orihinal na isinilang mula sa Aking kamay at siyang kumakatawan sa Aking larawan. Sa gayon ang orihinal na kahulugan ng “Adan” ay isang nilalang na Aking nilikha, pinuspos ng Aking mahalagang lakas, pinuspos ng Aking kaluwalhatian, may anyo at larawan, may espiritu at hininga. Siya lamang ang nilalang, may angking espiritu, na may kakayahang kumatawan sa Akin, taglayin ang Aking larawan, at tanggapin ang Aking hininga. Sa simula, si Eba ang ikalawang taong pinagkalooban ng hininga na ang paglikha ay Aking naitalaga, kaya ang orihinal na kahulugan ng “Eba” ay isang nilalang na magpapatuloy ng Aking kaluwalhatian, puno ng Aking sigla at bukod pa riyan ay pinagkalooban ng Aking kaluwalhatian. Si Eba ay nagmula kay Adan, kaya taglay rin niya ang Aking larawan, sapagkat siya ang ikalawang taong nilalang sa Aking larawan. Ang orihinal na kahulugan ng “Eba” ay isang buhay na tao, may espiritu, laman, at buto, ang Aking ikalawang patotoo gayundin ang Aking ikalawang larawan sa sangkatauhan. Sila ang mga ninuno ng sangkatauhan, ang dalisay at mahalagang kayamanan ng tao, at, nagmula sa una at buhay na mga nilalang na pinagkalooban ng espiritu. Gayunman, tinapakan at binihag ng masama ang supling ng mga ninuno ng sangkatauhan, at isinadlak ang mundo ng tao sa ganap na kadiliman, at ginawa ito upang hindi na maniwala ang supling sa Aking pag-iral. Mas kasuklam-suklam pa ay na, habang ginagawang tiwali ng masama ang mga tao at tinatapakan sila, malupit nitong inaagaw ang Aking kaluwalhatian, ang Aking patotoo, ang siglang ipinagkaloob Ko sa kanila, ang hininga at ang buhay na ibinibigay Ko sa kanila, ang Aking buong kaluwalhatian sa mundo ng tao, at lahat ng dugo sa puso na Aking ginugol sa sangkatauhan. Wala na sa liwanag ang sangkatauhan, at naiwala na ng mga tao ang lahat ng Aking ipinagkaloob sa kanila, at itinapon na nila ang kaluwalhatiang Aking ipinagkaloob. Paano nila maaaring kilalanin na Ako ang Panginoon ng lahat ng nilalang? Paano sila patuloy na maniniwala sa Aking pag-iral sa langit? Paano nila matutuklasan ang mga pagpapamalas ng Aking kaluwalhatian sa ibabaw ng lupa? Paano ituturing ng mga apong lalaki at babaeng ito ang Diyos na pinagpitaganan ng sarili nilang mga ninuno bilang Panginoon na lumikha sa kanila? Ang kaawa-awang mga apong ito ay lubos na “inilahad” sa masama ang kaluwalhatian, ang larawan, at ang patotoong ipinagkaloob Ko kina Adan at Eba, gayundin ang buhay na ipinagkaloob Ko sa sangkatauhan at kung saan sila umaasa sa pag-iral; at, lubos silang hindi nag-aalala sa presensya ng masama, at ibinibigay ang Aking buong kaluwalhatian dito. Hindi ba ito mismo ang pinagmulan ng titulong “basura”? Paano tataglayin ng gayong sangkatauhan, gayong kasasamang demonyo, gayong mga bangkay na naglalakad, gayong mga anyo ni Satanas, gayong mga kaaway Ko ang Aking kaluwalhatian? Babawiin Ko ang Aking kaluwalhatian, babawiin Ko ang Aking patotoo na umiiral sa mga tao, at lahat ng dating Akin at ibinigay Ko sa sangkatauhan noong unang panahon—ganap Kong lulupigin ang sangkatauhan. Gayunman, dapat mong malaman na ang mga taong Aking nilikha ay mga banal na tao na taglay ang Aking larawan at Aking kaluwalhatian. Hindi sila nabilang kay Satanas, ni hindi sila natapakan nito, kundi purong pagpapamalas Ko lamang, malaya sa pinaka-kaunting bahid ng lason ni Satanas. Kaya nga, ipinapaalam Ko sa sangkatauhan na ang tanging nais Ko ay yaong nilikha ng Aking kamay, ang mga banal na Aking minamahal at hindi nabibilang sa anupamang ibang nilalang. Bukod pa riyan, malulugod Ako sa kanila at ituturing Ko silang Aking kaluwalhatian. Gayunman, ang nais Ko ay hindi ang sangkatauhang nagawang tiwali ni Satanas, na nabibilang kay Satanas ngayon, at hindi na ang Aking orihinal na likha. Dahil layon Kong bawiin ang Aking kaluwalhatiang umiiral sa mundo ng tao, ganap Kong lulupigin ang natitira sa sangkatauhan, bilang katunayan ng Aking kaluwalhatian sa pagtalo kay Satanas. Ang Aking patotoo lamang ang tinatanggap Ko bilang pagbubuo ng Aking sarili, bilang layon ng Aking kasiyahan. Ito ang Aking kalooban.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 349
Sampu-sampung libong taon ng kasaysayan ang kinailangan upang marating ng sangkatauhan ang kinalalagyan nila ngayon, subalit ang sangkatauhang nilikha Ko sa simula ay matagal nang nabaon sa pagkabulok. Ang sangkatauhan ay hindi na ang sangkatauhang hangad Ko, at sa gayon, sa Aking paningin, ang mga tao ay hindi na karapat-dapat na tawaging sangkatauhan. Sa halip, sila ang basura ng sangkatauhan na nabihag ni Satanas, ang bulok na mga bangkay na naglalakad na sinasapian ni Satanas at ginagamit nitong bihisan. Walang tiwala ang mga tao sa Aking pag-iral, ni hindi sila sumasalubong sa Aking pagdating. Tumutugon lamang nang may pagkainis ang sangkatauhan sa Aking mga kahilingan, pansamantalang sumasang-ayon sa mga iyon, at hindi taos-pusong nakikibahagi sa mga kagalakan at kalungkutan Ko sa buhay. Dahil ang tingin ng mga tao ay mahiwaga Ako, pinakikitaan nila Ako ng nakakainis na ngiti, ang pag-uugali nila ay magpaginhawa roon sa may kapangyarihan, sapagkat walang alam ang mga tao tungkol sa Aking gawain, lalo na sa Aking kalooban sa kasalukuyan. Magtatapat Ako sa inyo: Pagdating ng araw, ang paghihirap ng sinumang sumasamba sa Akin ay magiging mas madaling tiisin kaysa sa inyo. Ang laki ng inyong pananampalataya sa Akin, sa totoo lang, ay hindi nakahihigit kaysa kay Job—kahit ang pananampalataya ng mga Pariseong Hudyo ay nakahihigit sa inyo—kaya nga, kung dumating ang araw ng apoy, magiging mas matindi ang inyong paghihirap kaysa sa mga Pariseo nang sawayin sila ni Jesus, kaysa roon sa 250 pinunong kumontra kay Moises, at kaysa roon sa Sodoma sa ilalim ng nakakapasong apoy ng pagkawasak nito. Nang hinampas ni Moises ang bato, at ang tubig na ibinigay ni Jehova ay bumukal, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang tinugtog ni David ang lira sa pagpupuri sa Akin, si Jehova—na ang kanyang puso ay puno ng kagalakan—ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nawala kay Job ang kanyang kawan na pumupuno sa mga bundok at ang di-masukat na kayamanan, at ang kanyang katawan ay napuno ng masasakit na pigsa, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Kapag naririnig niya ang tinig Ko, si Jehova, at nakikita ang Aking kaluwalhatian, si Jehova, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nakasunod si Pedro kay Jesucristo dahil sa kanyang pananampalataya. Naipako siya sa krus alang-alang sa Akin at nakapagbigay ng maluwalhating patotoo dahil din sa kanyang pananampalataya. Nang nakita ni Juan ang maluwalhating larawan ng Anak ng tao, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nakita niya ang pangitain ng mga huling araw, lalo nang lahat ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Ang dahilan kung bakit ang sinasabing karamihan ng mga bansang Hentil ay nakatamo ng Aking paghahayag, at nakaalam na nakabalik na Ako sa katawang-tao upang gawin ang Aking gawain sa gitna ng tao, ay dahil din sa kanilang pananampalataya. Lahat niyaong hinahampas ng Aking malupit na mga salita ngunit nabibigyang-aliw ng mga iyon at inililigtas—hindi ba nila nagawa ang gayon dahil sa kanilang pananampalataya? Yaong mga naniniwala sa Akin ngunit nagdaranas pa rin ng mga paghihirap, hindi ba itinakwil na rin sila ng mundo? Yaong mga namumuhay sa labas ng Aking salita, na tumatakas sa pagdanas ng pagsubok, hindi ba lahat sila ay palutang-lutang sa buong mundo? Katulad sila ng mga dahon sa taglagas na naglalaglagan kung saan-saan, walang mapagpahingahan, lalong wala sila ng Aking mga salita ng pag-aliw. Bagama’t hindi sila sinusundan ng Aking pagkastigo at pagpipino, hindi ba sila mga pulubing palutang-lutang kung saan-saan, pagala-gala sa mga lansangan sa labas ng kaharian ng langit? Talaga bang ang mundo ang iyong pahingahan? Matatamo mo ba talaga, sa pag-iwas sa Aking pagkastigo, ang pinakabahagyang ngiti ng pasasalamat mula sa mundo? Magagamit mo ba talaga ang iyong panandaliang kasiyahan upang pagtakpan ang kahungkagan sa iyong puso, kahungkagan na hindi maitatago? Maaari mong lokohin ang sinuman sa iyong pamilya, ngunit hinding-hindi mo Ako maloloko. Dahil napakaliit ng iyong pananampalataya, hanggang sa araw na ito, wala ka pa ring kapangyarihang makasumpong ng anuman sa mga katuwaang handog ng buhay. Hinihimok kita: mas mabuti pang taos-puso mong gugulin ang kalahati ng iyong buong buhay para sa Aking kapakanan kaysa gugulin mo ang iyong buong buhay sa walang kabuluhan at kaabalahan para sa laman, na tinitiis ang lahat ng pagdurusang halos hindi makayanan ng isang tao. Ano ang silbi ng pagpapahalaga nang husto sa iyong sarili at pagtakas mula sa Aking pagkastigo? Ano ang silbi ng itago ang iyong sarili mula sa Aking panandaliang pagkastigo para lamang umani ng walang-hanggang kahihiyan, ng walang-hanggang pagkastigo? Sa katunayan, hindi ko pinasusunod ang sinuman sa Aking kalooban. Kung talagang handa ang isang tao na magpasakop sa lahat ng Aking plano, hindi Ko sila tatratuhin nang masama. Ngunit kinakailangan Ko na maniwala sa Akin ang lahat ng tao, tulad ng paniniwala ni Job sa Akin, si Jehova. Kung ang inyong pananampalataya ay higit pa kaysa kay Tomas, matatamo ng inyong pananampalataya ang Aking papuri, sa inyong katapatan matatagpuan ninyo ang Aking kaligayahan, at siguradong matatagpuan ninyo ang Aking kaluwalhatian sa inyong mga araw. Gayunman, ang mga taong naniniwala sa mundo at naniniwala sa diyablo ay pinatigas na ang kanilang puso, gaya lamang ng marami sa lungsod ng Sodoma, na may mga butil ng buhanging dala ng hangin sa kanilang mga mata at mga handog mula sa diyablo sa kanilang bibig, na ang nadirimlang mga isipan ay matagal nang naangkin ng masama na kumamkam na sa mundo. Ang kanilang mga kaisipan ay halos nabihag nang buo ng diyablo ng sinaunang panahon. Kaya nga, ang pananampalataya ng sangkatauhan ay nahipan na ng hangin, at hindi nila napapansin man lamang ang Aking gawain. Ang magagawa lamang nila ay tangkaing tratuhin ang Aking gawain nang pahapyaw o suriin ito nang padaskol, dahil matagal na silang napuno ng lason ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 350
Lulupigin Ko ang sangkatauhan dahil nilikha Ko ang mga tao at, bukod pa riyan, natamasa na nila ang lahat ng masaganang layon ng Aking paglikha. Ngunit tinanggihan na rin Ako ng mga tao; wala Ako sa kanilang puso, at ang tingin nila sa Akin ay pabigat Ako sa kanilang buhay, maging hanggang sa punto kung saan, dahil tunay nila Akong nakita, itinatakwil pa rin nila Ako, at pinipiga nila ang kanilang utak sa pag-iisip ng lahat ng posibleng paraan para talunin Ako. Hindi Ako hinahayaan ng mga tao na tratuhin sila nang seryoso o gumawa ng mahihigpit na kahilingan sa kanila, ni hindi nila Ako pinapayagang hatulan o kastiguhin ang kanilang pagiging hindi matuwid. Dahil ayaw Kong mag-abala rito, naiinis sila. Kaya nga ang Aking gawain ay kunin ang sangkatauhang kumakain, umiinom, at nagpapalayaw sa Akin ngunit hindi Ako kilala, at talunin sila. Aalisan Ko ng sandata ang sangkatauhan, at pagkatapos, dala ang Aking mga anghel, dala ang Aking kaluwalhatian, babalik Ako sa Aking tirahan. Sapagkat ang mga kilos ng mga tao ay matagal nang nakadurog sa Aking puso at nakawasak sa Aking gawain. Balak Kong bawiin ang kaluwalhatiang naagaw niyaong masama bago Ako lumakad nang masaya palayo, na hinahayaan ang sangkatauhan na patuloy na mabuhay, patuloy na “mamuhay at gumawa nang payapa at matiwasay,” patuloy na “linangin ang sarili nilang mga bukirin,” at hindi na Ako makikialam sa kanilang buhay. Ngunit ngayon ay layon Kong lubusang bawiin ang Aking kaluwalhatian mula sa kamay ng masama, bawiin ang kabuuan ng kaluwalhatiang inilakip Ko sa tao nang likhain Ko ang mundo. Hindi Ko na ito muling ipagkakaloob kailanman sa sangkatauhan sa lupa. Sapagkat hindi lamang nabigo ang mga tao na ingatan ang Aking kaluwalhatian, kundi ipinagpalit na nila ito sa larawan ni Satanas. Hindi pinahahalagahan ng mga tao ang Aking pagdating, ni hindi nila pinahahalagahan ang araw ng Aking kaluwalhatian. Hindi sila natutuwang tanggapin ang Aking pagkastigo, lalong ayaw nilang ibalik sa Akin ang Aking kaluwalhatian, ni ayaw nilang iwaksi ang lason ng masama. Patuloy Akong nililinlang ng sangkatauhan sa dating makalumang paraan, masaya ang ngiti at mukha ng mga tao sa dating makalumang paraan. Hindi nila namamalayan ang kalaliman ng dalamhating sasapit sa sangkatauhan pagkatapos silang lisanin ng Aking kaluwalhatian. Lalo na, hindi nila namamalayan na kapag sumapit ang Aking araw sa buong sangkatauhan, mas mahihirapan sila kaysa sa mga tao noong panahon ni Noe, sapagkat hindi nila alam kung gaano kadilim na ang Israel nang lisanin ito ng Aking kaluwalhatian, sapagkat nalilimutan ng tao sa madaling-araw kung gaano kahirap lampasan ang napakadilim na gabi. Kapag muling nagtago ang araw at bumaba ang kadiliman sa tao, muli siyang mananaghoy at magngangalit ang kanyang mga ngipin sa kadiliman. Nalimutan na ba ninyo, nang lisanin ng Aking kaluwalhatian ang Israel, kung gaano kahirap para sa mga Israelita na tiisin ang mga araw na iyon ng pagdurusa? Ngayon ang panahon kung kailan nakikita ninyo ang Aking kaluwalhatian, at ito rin ang panahon kung kailan nakikibahagi kayo sa araw ng Aking kaluwalhatian. Ang tao ay mananaghoy sa gitna ng kadiliman kapag nilisan ng Aking kaluwalhatian ang maruming lupain. Ngayon ang araw ng kaluwalhatian kung kailan ginagawa Ko ang Aking gawain, at ito ang araw kung kailan palalagpasin Ko ang sangkatauhan mula sa pagdurusa, sapagkat hindi Ko ibabahagi ang mga panahon ng pagpapahirap at pagdurusa sa kanila. Nais Ko lamang ganap na lupigin ang sangkatauhan, at ganap na talunin ang masasama sa sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 351
Marami na Akong nahanap sa lupa para maging Aking mga alagad. Sa lahat ng alagad na ito, mayroong naglilingkod bilang mga pari, mga namumuno, mga anak ng Diyos, mga tao ng Diyos, at mga nagsisilbi. Iginrupo Ko sila batay sa katapatang ipinakikita nila sa Akin. Kapag nabukud-bukod na ang lahat ayon sa kanilang uri, ibig sabihin, kapag ang likas na katangian ng bawat uri ng tao ay nalinawan na, ibibilang Ko ang bawat isa sa kanila sa kanilang tamang kategorya at ilalagay ang bawat uri sa kanilang angkop na lugar, upang makamtan ang layunin ng Aking pagliligtas sa sangkatauhan. Sa mga grupo, tinatawag Ko ang mga nais Kong iligtas sa Aking sambahayan, at pagkatapos ay ipinatatanggap Ko sa kanilang lahat ang Aking gawain ng mga huling araw. Kasabay nito, ibinubukud-bukod Ko sila ayon sa uri, pagkatapos ay ginagantimpalaan o pinarurusahan ang bawat isa batay sa kanilang mga kilos. Ito ang mga hakbang na bumubuo sa Aking gawain.
Ngayon, naninirahan Ako sa lupa, at nabubuhay Ako sa piling ng mga tao. Dinaranas ng mga tao ang Aking gawain, at binabantayan ang Aking mga pahayag, at kasabay nito ay ipinagkakaloob Ko ang lahat ng katotohanan sa bawat isa sa Aking mga alagad, upang matanggap nila ang buhay mula sa Akin at sa gayon ay matamo ang landas na maaari nilang tahakin. Sapagkat Ako ang Diyos, Tagapagbigay ng buhay. Sa loob ng maraming taon ng Aking gawain, maraming natamo ang mga tao, at maraming tinalikdan, subalit sinasabi Ko pa rin na hindi talaga sila naniniwala sa Akin. Sapagkat kinikilala lamang ng mga tao na Ako ang Diyos gamit ang kanilang bibig, ngunit hindi sila sumasang-ayon sa mga katotohanang ipinapahayag Ko, at, dagdag pa riyan, hindi nila isinasagawa ang mga katotohanang hinihiling Kong gawin nila. Ibig sabihin, kinikilala lamang ng mga tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang katotohanan; kinikilala lamang ng mga tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang buhay; kinikilala lamang ng mga tao ang pangalan ng Diyos, ngunit hindi ang Kanyang diwa. Kinasusuklaman Ko sila dahil sa kanilang kasigasigan, sapagkat gumagamit lamang sila ng mga salitang masarap pakinggan para linlangin Ako; walang isa man sa kanila ang talagang sumasamba sa Akin. Ang inyong mga salita ay naglalaman ng tukso ng ahas; higit pa riyan, sukdulan sa kahambugan ang mga ito, isang tunay na pagpapahayag ng arkanghel. Dagdag pa riyan, ang inyong mga gawa ay nakakahiya dahil sira-sira at gutay-gutay; ang inyong walang-habas na mga pagnanasa at mapag-imbot na mga layunin ay masakit pakinggan. Lahat kayo ay naging mga gamu-gamo sa Aking sambahayan, mga bagay na dapat itapon nang may pagkasuklam. Sapagkat walang isa man sa inyo ang nagmamahal sa katotohanan; bagkus, hangad ninyong mapagpala, makaakyat sa langit, mamasdan ang kagila-gilalas na pangitain ni Cristo na ginagamit ang Kanyang kapangyarihan sa lupa. Ngunit naisip ba ninyo kailanman kung paanong ang katulad ninyo, na napakatiwali, na walang ideya kung ano ang Diyos, ay maaaring maging karapat-dapat na sumunod sa Diyos? Paano kayo makakaakyat sa langit? Papaano kayo magiging karapat-dapat na mamasdan ang mariringal na tagpo, mga tagpong walang katulad sa kanilang ningning? Ang inyong bibig ay puno ng mga salita ng panlilinlang at karumihan, ng pagkakanulo at kayabangan. Kailanma’y hindi kayo nangusap ng mga salita ng katapatan sa Akin, walang mga banal na salita, walang mga salita ng pagpapasakop sa Akin matapos maranasan ang Aking salita. Ano, sa huli, ang katulad ng inyong pananampalataya? Walang anuman kundi pagnanasa at salapi ang nasa inyong puso, at wala kundi mga materyal na bagay ang nasa inyong isipan. Araw-araw, kinakalkula ninyo kung paano makakakuha ng isang bagay mula sa Akin. Araw-araw, binibilang ninyo kung gaano kalaking kayamanan at gaano karaming materyal na bagay ang natamo ninyo mula sa Akin. Araw-araw, hinihintay ninyong bumaba sa inyo ang mas marami pang biyaya nang sa gayon ay matamasa ninyo, nang mas marami at mas mataas ang kalidad, ang mga bagay na maaaring matamasa. Hindi Ako ang laman ng inyong isipan sa bawat isang sandali, ni ang katotohanang nagmumula sa Akin, kundi ang inyong asawa, inyong mga anak, at ang mga bagay na inyong kinakain at isinusuot. Iniisip ninyo kung paano kayo magtatamo ng higit at mas mataas pang kasiyahan. Ngunit kahit halos pumutok na ang inyong tiyan sa kabusugan, hindi pa rin ba kayo isang bangkay? Kahit, sa tingin, napapalamutian ninyo nang marangyang bihisan ang inyong sarili, hindi pa rin ba kayo naglalakad na bangkay na walang buhay? Nagpapakahirap kayo alang-alang sa inyong sikmura, hanggang sa tubuan na kayo ng uban, subalit walang sinuman sa inyo ang nagsasakripisyo ni isang hibla ng buhok para sa Aking gawain. Palagi kayong humahangos, pinapagod ninyo ang inyong katawan at kinakalog ninyo ang inyong utak, para sa kapakanan ng inyong sariling laman, at para sa inyong mga anak—subalit wala ni isa sa inyo ang nagpapakita ng anumang pag-aalala o malasakit para sa Aking kalooban. Ano pa ba ang inaasam ninyong matamo mula sa Akin?
Hindi Ako kailanman nagmamadali kapag gumagawa Ako. Paano man Ako sundin ng mga tao, ginagawa Ko ang Aking gawain alinsunod sa bawat hakbang, alinsunod sa Aking plano. Kaya sa kabila ng lahat ng inyong paghihimagsik laban sa Akin, gumagawa pa rin Ako nang walang tigil, at patuloy Ko pa ring ipinapahayag ang mga salitang kailangan Kong ipahayag. Tinatawag Ko sa Aking sambahayan ang Aking mga itinadhana, upang makinig sila sa Aking mga salita. Lahat ng nagpapasakop sa Aking mga salita, na nananabik sa Aking mga salita, ay dinadala Ko sa harap ng Aking luklukan; lahat ng tumatalikod sa Aking mga salita, na hindi sumusunod sa Akin, at hayagan Akong sinusuway, ay isinasantabi Ko para hintayin ang huling parusa sa kanila. Lahat ng tao ay namumuhay sa gitna ng katiwalian at sa ilalim ng kamay ng masama, kaya nga kakaunti sa mga sumusunod sa Akin ang nananabik sa katotohanan. Ibig sabihin, karamihan ay hindi tunay na sumasamba sa Akin; hindi sila sumasamba sa Akin nang taglay ang katotohanan, kundi sinusubukan nilang matamo ang Aking tiwala sa pamamagitan ng katiwalian at paghihimagsik, sa mapanlinlang na mga kaparaanan. Dahil dito kaya Ko sinasabi: Marami ang tinawag, datapuwa’t kakaunti ang nahirang. Ang mga tinawag ay labis na nagawang tiwali at namumuhay na lahat sa iisang kapanahunan—ngunit ang mga nahirang ay bahagi nila, sila ang mga naniniwala at kumikilala sa katotohanan, at nagsasagawa ng katotohanan. Ang mga taong ito ay napakaliit na bahagi lamang ng kabuuan, at mula sa kanila ay tatanggap Ako ng higit pang kaluwalhatian. Batay sa mga salitang ito, alam ba ninyo kung kabilang kayo sa mga nahirang? Ano ang magiging katapusan ninyo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 352
Tulad ng Aking sinabi, marami ang sumusunod sa Akin ngunit kakaunti ang tunay na nagmamahal sa Akin. Marahil ay sasabihin ng ilan, “Magsasakripisyo ba ako nang malaki kung hindi Kita mahal? Susunod ba ako sa Iyo hanggang sa puntong ito kung hindi Kita mahal?” Tiyak na marami kang dahilan, at tiyak na napakalaki ng iyong pagmamahal, ngunit ano ang pinakadiwa ng iyong pagmamahal para sa Akin? Ang “pagmamahal,” ayon sa tawag dito, ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso para magmahal, makaramdam, at maging maalalahanin. Sa pagmamahal walang mga kundisyon, walang mga balakid, at walang distansya. Sa pagmamahal walang paghihinala, walang panlilinlang, at walang katusuhan. Sa pagmamahal walang humihingi ng kapalit at walang karumihan. Kung nagmamahal ka, hindi ka manlilinlang, magrereklamo, magtataksil, susuway, maniningil, o maghahangad na magtamo ng isang bagay o ng isang partikular na halaga. Kung nagmamahal ka, masaya mong ilalaan ang iyong sarili, masaya mong titiisin ang hirap, makakasundo mo Ako, tatalikdan mo ang lahat ng mayroon ka para sa Akin, tatalikdan mo ang iyong pamilya, ang iyong kinabukasan, ang iyong kabataan, at ang iyong pag-aasawa. Kung hindi, ang iyong pagmamahal ay hindi talaga pagmamahal, kundi panlilinlang at pagtataksil! Anong klaseng pagmamahal ang sa iyo? Tunay na pagmamahal ba iyon? O huwad? Gaano na ang natalikdan mo? Gaano na ang iyong naisakripisyo? Gaanong pagmamahal na ang natanggap Ko mula sa iyo? Alam mo ba? Ang inyong puso ay puno ng kasamaan, pagtataksil, at panlilinlang—at yamang ganoon, gaano sa pagmamahal ninyo ang marumi? Iniisip ninyo na sapat na ang natalikdan ninyo para sa Akin; iniisip ninyo na sapat na ang pagmamahal ninyo sa Akin. Kung gayo’y bakit palaging suwail at mapanlinlang ang inyong mga salita at kilos? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo kinikilala ang Aking salita. Itinuturing bang pagmamahal ito? Sumusunod kayo sa Akin, subalit isinasantabi naman ninyo Ako. Itinuturing bang pagmamahal ito? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi kayo nagtitiwala sa Akin. Itinuturing bang pagmamahal ito? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang Aking pag-iral. Itinuturing ba ng pagmamahal ito? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo Ako tinatrato nang angkop sa Akin, at pinahihirapan ninyo Ako palagi. Itinuturing bang pagmamahal ito? Sumusunod kayo sa Akin, subalit sinusubukan ninyong lokohin at linlangin Ako sa lahat ng bagay. Itinuturing bang pagmamahal ito? Pinaglilingkuran ninyo Ako, subalit hindi kayo takot sa Akin. Itinuturing bang pagmamahal ito? Sinasalungat ninyo Ako sa lahat ng aspeto at sa lahat ng bagay. Itinuturing bang pagmamahal ang lahat ng ito? Totoo, malaki na ang naialay ninyo, subalit hindi ninyo naisagawa kailanman ang ipinagagawa Ko sa inyo. Maituturing bang pagmamahal ito? Ang maingat na pagbubuod ay nagpapakita na wala ni katiting na pahiwatig ng pagmamahal sa Akin sa inyong kalooban. Pagkaraan ng napakaraming taon ng gawain at lahat ng maraming salitang naibigay Ko, gaano karami ba talaga ang inyong natamo? Hindi ba ito karapat-dapat sa isang maingat na pagbabalik-tanaw? Pinapayuhan Ko kayo: Ang mga tinatawag Ko ay hindi ang mga hindi naging tiwali kailanman; bagkus, ang mga hinihirang Ko ay ang mga tunay na nagmamahal sa Akin. Samakatuwid, kailangan kayong maging maingat sa inyong mga salita at gawa, at suriin ang inyong mga intensyon at saloobin upang ang mga iyon ay hindi umabot sa paglabag. Sa panahon ng mga huling araw, gawin ang lahat ng inyong makakaya para ialay ang inyong pagmamahal sa Aking harapan, kung hindi ay hindi mawawala ang galit Ko sa inyo!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 353
Sa bawat araw, ang mga gawa at saloobin ng bawat isang tao ay nakikita ng mga mata Niya, kasabay nito, sila ay naghahanda para sa kanilang sariling kinabukasan. Ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng nabubuhay at ito ang Aking itinalaga para sa lahat. Walang sinumang makatatakas dito at walang palalagpasin. Walang bilang ang mga salitang Aking binanggit, at ang gawaing Aking ginagawa ay hindi masusukat. Araw-araw, Ako ay nagmamatyag habang ang bawat tao ay natural na tinutupad ang lahat ng dapat niyang gawin alinsunod sa kanyang angking kalikasan at sa paglago ng kanyang kalikasan. Nang hindi namamalayan, marami nang tumahak sa “tamang landas,” na Aking itinalaga para sa paghahayag ng iba’t ibang uri ng tao. Nailagay Ko na ang bawat uri ng tao sa iba’t ibang mga kapaligiran, at sa kani-kanilang mga lugar, ang bawat isa ay naghahayag ng kanyang mga likas na katangian. Walang sinuman ang gumagapos sa kanila, wala ni isa mang umaakit sa kanila. Sila ay malaya sa kanilang kabuuan at ang kanilang ipinapahayag ay natural na nagaganap. Mayroon lamang isang bagay na nagpapanatili sa kanila, at iyon ang Aking mga salita. Sa gayon, ang ilang tao ay binabasa ang Aking mga salita nang may sama ng loob, hindi kailanman isinasagawa ang mga ito, ginagawa lamang upang maiwasan ang kamatayan. Samantalang ang iba ay nahihirapang tiisin ang mga araw na wala ang Aking mga salita para gabayan at matustusan sila, kaya natural nilang pinanghahawakan ang Aking mga salita sa lahat ng oras. Sa paglipas ng panahon, natutuklasan nila ang lihim ng buhay ng tao, ang hantungan ng sangkatauhan, at ang halaga ng pagiging tao. Ganito talaga ang sangkatauhan sa presensiya ng Aking mga salita, at hinahayaan Ko lang ang mga pangyayari na tahakin ang natural nitong landas. Wala Akong ginagawang anumang gawain upang pilitin ang tao na gawing pundasyon ng kanilang pag-iral ang Aking mga salita. Kung kaya’t ang mga taong hindi kailanman nagkaroon ng konsensya o iyong ang pag-iral ay hindi kailanman nagkaroon ng halaga, ay buong tapang na isinasantabi ang Aking mga salita at gumagawa ng anumang naisin nila matapos ang tahimik na pagmamasid sa mga nangyayari. Nagsisimula silang kapootan ang katotohanan at ang lahat ng nagmumula sa Akin. Bukod dito, kinapopootan nila ang pamamalagi sa Aking tahanan. Ang mga taong ito ay pansamantalang nanunuluyan sa loob ng Aking tahanan para sa kapakanan ng kanilang hantungan at upang makatakas sa kaparusahan, kahit na sila ay naglilingkod. Ngunit hindi kailanman nagbabago ang kanilang mga layunin, maging ang kanilang mga pagkilos. Higit pa nitong hinihikayat ang kanilang pagnanais para sa mga pagpapala, at pinalalakas ang kanilang pagnanais na makapasok sa Aking kaharian nang isang beses at manatili rito nang walang hanggan—kahit na ang makapasok sa langit na walang hanggan. Habang lalo pa nilang hinahangad na mas mapabilis ang pagdating ng Aking araw, mas lalo nilang nararamdaman na naging isang balakid ang katotohanan, isang sagabal sa kanilang daan. Hindi na sila makapaghintay na tumapak sa kaharian upang maranasan magpakailanman ang mga biyaya ng kaharian ng langit, nang hindi nangangailangang hanapin ang katotohanan o tanggapin ang paghatol at pagkastigo, at higit sa lahat, nang hindi nangangailangang gumapang sa loob ng Aking tahanan at sumunod sa Aking mga utos. Ang mga taong ito ay pumapasok sa Aking bahay hindi upang tuparin ang pagnanais ng kanilang puso na hanapin ang katotohanan o kaya ay makipagtulungan sa Aking pamamahala. Naglalayon lamang silang maging isa sa mga taong hindi wawasakin sa susunod na kapanahunan. Kung kaya’t hindi kailanman nalaman ng kanilang mga puso kung ano ang katotohanan o kung paano tanggapin ang katotohanan. Ito ang dahilan kung bakit ang ganitong uri ng tao ay hindi kailanman isinagawa ang katotohanan o nakaunawa sa matinding lalim ng kanilang katiwalian, at sa kabila nito ay nakatira sa Aking tahanan bilang “tagapaglingkod” hanggang sa wakas. Sila ay “matiyagang” naghihintay sa pagdating ng Aking araw, at walang kapaguran kahit nalilito na sila sa paraan ng Aking gawain. Subalit gaano man kadakila ang kanilang naging pagsisikap o anuman ang halaga na kanilang ibinayad, walang sinumang nakakita na sila ay nagdusa para sa katotohanan o nagsakripisyo para sa Akin. Sa kanilang mga puso, hindi nila kayang hintayin na makita ang araw na wawakasan Ko ang lumang kapanahunan, at bukod pa rito, hindi sila makapaghintay na malaman kung gaano kadakila ang Aking kapangyarihan at awtoridad. Ang hindi nila minadaling gawin ay ang baguhin ang kanilang sarili at hangarin ang katotohanan. Mahal nila ang kinaaayawan Ko, at kinaaayawan nila ang minamahal Ko. Kinasasabikan nila ang bagay na kinapopootan Ko, ngunit natatakot silang mawala ang mga bagay na Aking kinasusuklaman. Nakatira sila sa masamang mundong ito nang hindi kailanman nasuklam dito, gayunman ay natatakot nang masidhi na ito ay Aking wawasakin. Sa kabila ng kanilang nagsasalungat na intensiyon, mahal nila ang mundong ito na Aking kinapopootan, ngunit hinahangad din nila na wasakin Ko ito sa lalong madaling panahon, upang sila ay makaiwas sa paghihirap na dala ng pagkawasak at maging mga panginoon sa susunod na kapanahunan, bago pa sila malihis mula sa tunay na daan. Ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan at nagsasawa na sa lahat ng nanggagaling sa Akin. Marahil sila ay magiging “masunuring tao” sa maikling panahon para lamang hindi mawalan ng mga pagpapala, ngunit ang kanilang pagkabahala na makatanggap ng pagpapala at ang kanilang takot na mapahamak at papasukin sa lawa ng nagniningas na apoy ay hindi kailanman maitatago. Habang papalapit ang Aking araw, lalong lumalakas ang kanilang pagnanais. At habang lumalaki ang kalamidad, mas lalo silang walang magawa, hindi alam kung saan magsisimula upang mapasaya Ako at upang maiwasang mawalan ng mga pagpapala na matagal nilang inasam-asam. Kapag nag-umpisang kumilos ang Aking kamay, ang mga taong ito ay sabik gumawa ng pagkilos upang maglingkod bilang pamunuan. Ang iniisip lamang nila ay ang lumusob sa pinakaunahang linya ng mga hukbo, sa labis na takot na hindi Ko sila makikita. Ginagawa at sinasabi nila ang sa palagay nila ay tama, nang hindi kailanman nalalaman na ang kanilang mga gawa at kilos ay hindi kailanman nauugnay sa katotohanan, at ang kanilang ginagawa ay sumisira at gumagambala lamang sa Aking mga plano. Bagama’t gumawa sila ng malaking pagsisikap at maaaring naging totoo sa kanilang kagustuhan at layuning tiisin ang mga paghihirap, ngunit wala sa ginagawa nila ang may kinalaman sa Akin, dahil hindi Ko kailanman nakitang nagmula sa mabuting layunin ang kanilang mga gawa, at mas lalo Ko silang hindi nakitang naglagay ng anumang bagay sa Aking altar. Ganyan ang kanilang mga gawa sa Aking harapan sa loob ng maraming taon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 354
Sa simula, ninais Kong bigyan kayo ng mas marami pang katotohanan, ngunit kinailangan Ko itong ihinto dahil ang inyong saloobin sa katotohanan ay masyadong malamig at walang pagpapahalaga; hindi Ko nais na masayang ang Aking mga pagsisikap, at hindi Ko rin nais makita na pinanghahawakan ng mga tao ang Aking mga salita ngunit sa lahat ng bagay ay ginagawa nila kung ano ang lumalaban sa Akin, sumisira sa Aking pangalan, at lumalapastangan sa Akin. Dahil sa inyong mga saloobin at katauhan, binibigyan Ko lamang kayo ng maliit na bahagi, na para sa inyo ay napakahalagang bahagi ng Aking mga salita, na nagsisilbing pagsubok Ko sa sangkatauhan. Ngayon Ko lamang tunay na nakumpirma na ang mga desisyon at planong ginawa Ko ay akma sa inyong mga pangangailangan, at bukod dito, ang Aking saloobin sa sangkatauhan ay tama. Ang inyong mga ikinilos sa Aking presensiya sa loob ng maraming taon ay nagbigay sa Akin ng kasagutan na wala pang naging katulad sa nagdaan, at ang tanong sa sagot na ito ay: “Ano ang saloobin ng tao sa harap ng katotohanan at sa tunay na Diyos?” Ang mga pagsisikap na ibinuhos Ko sa tao ay nagpapatunay ng Aking diwa ng pagmamahal sa tao, at ang lahat ng ginawa ng tao sa Aking presensiya ay nagpapatunay ng kanyang diwa ng pagkamuhi sa katotohanan at pagsalungat sa Akin. Sa lahat ng panahon, Ako ay nag-aalala sa lahat ng sumusunod sa Akin, ngunit walang panahon na ang mga taong sumunod sa Akin ay nakayanang tumanggap ng Aking mga salita; maging ang Aking mga mungkahi ay hindi nila natatanggap. Ito ang nagpapalungkot sa Akin nang higit sa lahat. Walang sinuman ang kayang makaunawa sa Akin at, higit pa rito, walang sinumang nakatanggap sa Akin, kahit pa ang Aking saloobin ay matapat at ang Aking mga salita ay malumanay. Sinusubukan ng bawat isa na gawin ang gawaing ipinagkatiwala Ko sa kanila alinsunod sa kanilang sariling mga ideya; hindi nila inaalam ang Aking mga layunin, at lalong hindi nila itinatanong kung ano ang hinihingi Ko sa kanila. Sinasabi pa rin nilang naglilingkod sila nang tapat sa Akin, habang silang lahat ay naghihimagsik laban sa Akin. Marami ang naniniwala na ang mga katotohanan na hindi katanggap-tanggap sa kanila o hindi nila kayang isagawa ay hindi mga katotohanan. Sa ganitong uri ng mga tao, ang Aking mga katotohanan ay nagiging bagay na pinasisinungalingan at isinasaisang-tabi. Kasabay nito, kinikilala Ako ng mga tao bilang Diyos sa salita, ngunit naniniwala din sila na Ako ay isang tagalabas na hindi ang katotohanan, ang daan, o ang buhay. Walang nakaaalam sa katotohanang ito: Ang Aking mga salita ay ang katotohanang hindi magbabago kailanman. Ako ang tagapagbigay ng buhay para sa tao at ang tanging gabay para sa sangkatauhan. Ang halaga at kahulugan ng Aking mga salita ay hindi itinatakda ng pagkilala o pagtanggap ng sangkatauhan, kundi ng mismong diwa ng mga salita. Kahit na wala ni isang tao sa daigdig na ito ang makatatanggap ng Aking mga salita, ang halaga ng Aking mga salita at ang tulong ng mga ito sa sangkatauhan ay hindi masusukat ng sinumang tao. Samakatuwid, kapag nahaharap sa maraming tao na naghihimagsik, nagpapabulaan, o lubos na nanglalait sa Aking mga salita, ang Aking paninindigan ay ito lamang: Hayaan ang panahon at katunayan na maging saksi Ko at magpakita na ang Aking mga salita ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hayaang ipakita ng mga ito na ang lahat ng Aking sinabi ay tama, at iyon ang dapat na maipagkaloob sa tao, at, higit pa rito, ito ang dapat tanggapin ng tao. Hahayaan Ko ang lahat ng sumusunod sa Akin na malaman ang katunayang ito: Ang mga hindi kayang tumanggap nang lubos sa Aking mga salita, ang mga hindi kayang isagawa ang Aking mga salita, ang mga hindi makahanap ng layunin sa Aking mga salita, at ang mga hindi tumanggap ng kaligtasan dahil sa Aking mga salita, ay ang mga taong nakondena ng Aking mga salita at, bukod dito, nawalan ng Aking kaligtasan, at hindi kailanman malilihis ang Aking tungkod sa kanila.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 355
Mula nang unang magkaroon ang tao ng agham panlipunan, ang isip ng tao ay naging abala sa agham at kaalaman. Ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa pamumuno ng sangkatauhan, at doon ay wala nang sapat na puwang para sa tao upang sambahin ang Diyos, at walang kanais-nais na mga kondisyon para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay lumubog nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung wala ang Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at walang kabuluhan. Dahil dito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at mga pulitiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, teorya ng ebolusyon ng tao, at iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga alamat at mga kathang-isip. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, sa doktrina na ang Diyos ay umiiral at namamahala sa lahat ng bagay. Ang pagpapanatili ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bayan at mga bansa ay hindi na mahalaga sa kanila. Nakatira ang tao sa isang walang kabuluhang mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang umaako sa paghanap kung saan kumikilos ngayon ang Diyos, o naghahanap kung paano Niya pinamumunuan at inaayos ang hantungan ng tao. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay lalo pang nawawalan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakaunlad na sibilisadong bayan ay nagpapahayag ng mga naturang hinaing. Sapagkat kung walang patnubay ng Diyos, gaano man pakaisipin ng mga pinuno at sosyolohista na maingatan ang sibilisasyon ng tao, ito ay walang kabuluhan. Walang sinuman ang makapupuno ng kawalan sa puso ng tao, dahil walang sinuman ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa kawalan na nagpapahirap sa kanya. Agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, paglilibang, kaginhawahan, ang mga ito ay nagdadala lamang ng pansamantalang pahinga sa tao. Kahit na mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa kawalang katarungan ng lipunan. Hindi mababawasan ng mga bagay na ito ang pagnanasa at hangarin ng tao na tumuklas. Sapagkat ang tao ay nilalang ng Diyos at ang walang katuturang mga sakripisyo at mga pagtuklas ng tao ay maaari lamang humantong sa mas marami pang pagdurusa at maaari lamang maging dahilan upang ang tao ay umiral sa hindi nagbabagong kalagayan ng pagkatakot, hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan, o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap. Maging ang agham at kaalaman ay kinatatakutan ng tao, at higit na kakatakutan ang pakiramdam ng kawalan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bayan o sa isang bayan na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na galugarin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan. Mas lalo ka pang walang kakayahang takasan ang nakalilitong diwa ng kawalan. Ang ganitong mga pangyayari, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyologo na mga di-pangkaraniwang pangyayari sa lipunan, ngunit walang dakilang taong maaaring lumitaw upang lutasin ang naturang mga problema. Ang tao, kung sabagay, ay tao, at ang posisyon at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinumang tao. Ang sangkatauhan ay hindi lang basta nangangailangan ng isang makatarungang lipunan kung saan lahat ng tao ay kumakain nang sapat at pantay-pantay at malaya. Ang kailangan ng sangkatauhan ay ang kaligtasan ng Diyos at ang Kanyang pagbibigay ng buhay sa kanila. Kapag natatanggap ng tao ang ibinibigay na buhay ng Diyos at ang Kanyang kaligtasan, saka lamang malulutas ang mga pangangailangan, kasabikang tumuklas, at espirituwal na kawalan ng tao. Kung ang mga tao ng isang bayan o ng isang bansa ay hindi makatatanggap ng pagliligtas at pag-aalaga ng Diyos, tatahakin ng bansa o bayang iyon ang landas tungo sa pagdalisdis, patungo sa kadiliman, at lilipulin ito ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 356
May napakalaking lihim sa iyong puso, na hindi mo kailanman namamalayan, dahil ikaw ay nabubuhay sa isang mundo na walang liwanag. Ang iyong puso at ang iyong espiritu ay natangay na ng masama. Ang iyong mga mata ay nalambungan na ng kadiliman, at hindi mo na nakikita ang araw sa himpapawid ni ang kumikislap na bituing yaon sa gabi. Ang iyong mga tainga ay nababarahan na ng mapanlinlang na mga salita, at hindi mo naririnig ang dumadagundong na tinig ni Jehova, ni ang lagaslas ng tubig na dumadaloy mula sa trono. Nawala sa iyo ang lahat ng dapat na pag-aari mo, lahat ng ipinagkaloob sa iyo ng Makapangyarihan sa lahat. Nakapasok ka sa walang katapusang dagat ng kapighatian, na walang lakas upang sagipin ang iyong sarili, walang pag-asang makaligtas, at ang tanging magagawa mo ay manlaban at magmadali…. Mula sa sandaling iyon, ikaw ay itinadhana nang pahirapan ng masama, napakalayo sa mga pagpapala ng Makapangyarihan sa lahat, hindi na abot ng mga panustos ng Makapangyarihan sa lahat, tumatahak sa landas na wala nang pabalik. Milyon mang pagtawag ay hindi na kayang pukawin ang iyong puso at iyong espiritu. Mahimbing kang natutulog sa mga kamay ng masama, na nakaakit sa iyong pumasok sa isang walang-hangganang kinasasaklawan na walang direksyon o mga palatandaan sa daang pabalik. Simula noon, nawala na sa iyo ang kawalang-muwang at kadalisayang likas mong tinaglay, at nagsimula nang layuan ang pangangalaga ng Makapangyarihan sa lahat. Sa kaibuturan ng iyong puso, ang masama na ang nagpapatakbo ng iyong buhay sa lahat ng bagay at naging iyong buhay. Hindi mo na siya kinatatakutan, iniiwasan, o pinagdududahan; sa halip itinuturing mo siya na Diyos ng iyong puso. Sinisimulan mo na siyang idambana at sambahin, at kayong dalawa ay hindi na mapaghiwalay pa na parang anino ng bawat isa, matibay ang pangakong mabubuhay at mamamatay nang magkasama. Wala kang ideya kung saan ka nagmula, kung bakit ka isinilang, o kung bakit ka mamamatay. Hindi mo na kilala Ang Makapangyarihan sa lahat; hindi mo alam ang Kanyang pinagmulan; lalong hindi mo alam ang lahat ng nagawa Niya para sa iyo. Lahat ng nagmula sa Kanya ay naging kamuhi-muhi na sa iyo; hindi mo ito minamahal ni nalalaman ang halaga nito. Kasama mo ang masama, sa simula pa lang na itaguyod ka ng Makapangyarihan sa lahat. Natagalan mo ang libu-libong taon ng bagyo at unos kasama ang masama, at magkatulong kayo sa pagsalungat sa Diyos na pinagmulan ng buhay mo. Wala kang alam sa pagsisisi, lalo na ngayong humantong ka na sa bingit ng kapahamakan. Nakalimutan mo na ang masama ang tumutukso at nagpapahirap sa iyo; nakalimutan mo na ang iyong mga pinagsimulan. Dahil diyan, napapahirapan ka ng masama sa bawat sandali hanggang sa ngayon. Namanhid na at nabulok ang iyong puso at espiritu. Hindi mo na idinaraing ang pagdurusa sa mundo ng tao; hindi ka na naniniwala na hindi makatarungan ang mundo. Wala ka nang pakialam kung mayroon nga bang Makapangyarihan sa lahat. Ito ay dahil matagal mo nang itinuring ang diyablo bilang iyong tunay na ama at hindi maaaring mawalay sa kanya. Ito ang lihim ng iyong puso.
Sa pagdating ng bukang-liwayway, isang tala sa umaga ang nagsisimulang sumikat sa silangan. Ito ang tala na wala dati roon. Pinagliliwanag nito ang kalangitang tahimik at puno ng bituin, pinagdiringas na muli ang napawing liwanag sa puso ng mga tao. Ang mga tao ay hindi na malungkot dahil sa liwanag na ito, na sumisikat para sa iyo at sa ibang tao. Subalit tanging ikaw lamang ang nananatiling natutulog nang mahimbing sa madilim na gabi. Wala kang naririnig na tunog at walang nakikitang liwanag; hindi mo namamalayan ang pagdating ng isang bagong langit at isang bagong lupa, ng isang bagong kapanahunan, dahil sinasabi ng iyong ama, “Anak ko, huwag kang bumangon, maaga pa. Malamig ang panahon, kaya huwag kang lumabas, baka matusok ng tabak at espada ang iyong mga mata.” Naniniwala ka lamang sa pangaral ng iyong ama, dahil naniniwala ka na ang ama mo lamang ang tama, dahil ang iyong ama ay nakatatanda sa iyo at lubos kang minamahal. Ang ganitong mga pangaral at pagmamahal ang nag-uudyok sa iyo na huwag nang paniwalaan ang alamat na may liwanag sa sanlibutan; ayaw na nitong alamin mo pa kung may umiiral pa bang katotohanan sa mundong ito. Hindi ka na umaasang masasagip pa ng Makapangyarihan sa lahat. Kontento ka na sa kasalukuyang kalagayan, hindi mo na inaasam ang pagdating ng liwanag, hindi mo na minamatyagan ang pagdating ng Makapangyarihan sa lahat tulad nang inilahad sa alamat. Para sa iyo, lahat ng maganda ay hindi na maibabalik, hindi na ito iiral. Sa iyong mga mata, ang kinabukasan at hinaharap ng sangkatauhan ay basta na lamang naglalaho, nawawala. Kumakapit ka nang mahigpit sa kasuotan ng iyong ama nang buong lakas mo, handang makibahagi sa kanyang pagdurusa, takot na takot maglakbay nang mag-isa at walang direksyon sa mahabang paglalakbay. Ang malawak at makulimlim na mundo ng mga tao ay nakagawa sa marami sa inyo na matatag at walang takot sa pagganap sa iba’t ibang papel sa mundong ito. Lumikha ito ng maraming “mandirigma” na hindi takot mamatay. Higit pa riyan, nakakagawa ito ng napakaraming pangkat ng manhid at paralisadong mga tao na hindi alam ang layunin ng paglikha sa kanila. Sinusuri ng mga mata ng Makapangyarihan sa lahat ang bawat tao na lubhang nahihirapan. Ang naririnig Niya ay ang panaghoy ng mga nagdurusa, ang nakikita Niya ay ang kawalan ng hiya ng mga nahihirapan, at ang nadarama Niya ay ang kawalan ng magagawa at pangamba ng sangkatauhan na nawalan ng biyaya ng kaligtasan. Tinatanggihan ng sangkatauhan ang Kanyang malasakit, pinipili nilang lumakad sa sarili nilang landas, at sinusubukan nilang iwasan ang panunuri ng Kanyang mga mata, at mas gusto pa nilang namnamin ang kapaitan ng malalim na dagat sa piling ng kaaway, hanggang sa huling patak. Hindi na naririnig ng sangkatauhan ang hinagpis ng Makapangyarihan sa lahat; ayaw nang haplusin ng mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat ang kaawa-awang sangkatauhang ito. Paulit-ulit Siyang nakakabawi, at paulit-ulit Siyang natatalong muli, at sa gayo’y nauulit ang gawaing Kanyang ginagawa. Mula sa sandaling iyon, nagsisimula Siyang mapagod, mabagot, kaya nga itinitigil Niya ang Kanyang ginagawa at hindi na nakikihalubilo sa gitna ng mga tao…. Walang kamalay-malay ang sangkatauhan sa anuman sa mga pagbabagong ito, sa pagdating at pag-alis, sa kalungkutan at kapanglawan ng Makapangyarihan sa lahat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 357
Bagama’t malalim ang pamamahala ng Diyos, kaya itong unawain ng tao. Ito ay dahil ang buong gawain ng Diyos ay konektado sa Kanyang pamamahala at sa Kanyang gawaing iligtas ang sangkatauhan, at patungkol sa buhay, pamumuhay, at hantungan ng sangkatauhan. Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa gitna ng tao at sa tao ay masasabing napaka-praktikal at makahulugan. Maaari itong makita at maranasan ng tao, at hindi ito isang bagay na mahirap unawain. Kung hindi kaya ng tao na tanggapin ang lahat ng gawaing ginagawa ng Diyos, ano pa ang kabuluhan ng Kanyang gawain? At paano hahantong ang gayong pamamahala sa kaligtasan ng tao? Ang inaalala lamang ng maraming sumusunod sa Diyos ay kung paano magtamo ng mga pagpapala o umiwas sa sakuna. Sa sandaling nabanggit ang gawain at pamamahala ng Diyos, tumatahimik sila at nawawalan ng lahat ng interes. Iniisip nila na ang pag-unawa sa gayong mahihirap na isyu ay hindi magpapalago o magbibigay ng anumang pakinabang sa kanilang buhay. Sa gayon, bagama’t narinig na nila ang tungkol sa pamamahala ng Diyos, hindi nila iyon gaanong pinakikinggan. Hindi nila ito itinuturing na isang bagay na mahalagang tanggapin, lalong hindi nila tinatanggap ito bilang bahagi ng kanilang buhay. Iisa lamang ang payak na layunin ng gayong mga tao sa pagsunod sa Diyos, at ang layuning iyon ay ang tumanggap ng mga pagpapala. Hindi mag-aabala ang gayong mga tao na makinig sa anumang iba pa na walang direktang kinalaman sa layuning ito. Para sa kanila, walang mithiing mas lehitimo kaysa maniwala sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala—ito mismo ang halaga ng kanilang pananampalataya. Kung may isang bagay na hindi nakakatulong sa layuning ito, nananatili silang ganap na hindi naaantig nito. Ganyan ang karamihan sa mga taong naniniwala sa Diyos ngayon. Ang kanilang layunin at adhikain ay mukhang lehitimo, dahil habang naniniwala sila sa Diyos, gumugugol din sila para sa Diyos, inaalay nila ang kanilang sarili sa Diyos, at ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Isinusuko nila ang kanilang kabataan, tinatalikuran ang pamilya at propesyon, at gumugugol pa ng maraming taon na malayo sa tahanan na nag-aabala. Para sa kapakanan ng kanilang pangunahing mithiin, binabago nila ang kanilang sariling mga interes, ang kanilang pananaw sa buhay, at maging ang direksyong kanilang hinahanap; subalit hindi nila mabago ang layunin ng kanilang paniniwala sa Diyos. Paroo’t parito sila para sa pamamahala ng sarili nilang mga huwaran; gaano man kalayo ang daan, at gaano man karami ang mga hirap at balakid sa daan, nananatili silang matiyaga at walang takot sa kamatayan. Anong kapangyarihan ang nagtutulak sa kanila na patuloy na ialay ang kanilang sarili sa ganitong paraan? Ang kanila bang konsiyensya? Ang kanila bang dakila at marangal na katangian? Ang kanila bang determinasyong labanan ang mga puwersa ng kasamaan hanggang sa pinakahuli? Ang kanila bang pananampalatayang magpatotoo sa Diyos nang hindi naghahanap ng kapalit? Ang kanila bang katapatan sa pagiging handang isuko ang lahat upang makamit ang kalooban ng Diyos? O ang kanila bang diwa ng debosyon na laging isakripisyo ang personal na maluluhong kahilingan? Ang magbigay pa rin ng napakalaki ang isang taong hindi kailanman naunawaan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, sa payak na pananalita, ay isang himala! Sa sandaling ito, huwag nating talakayin kung gaano kalaki ang naibigay ng mga taong ito. Ang kanilang pag-uugali, gayunman, ay lubos na karapat-dapat nating suriin. Bukod pa sa mga pakinabang na lubos na nauugnay sa kanila, maaari kayang may iba pang mga dahilan kaya ang mga taong hindi kailanman nauunawaan ang Diyos ay nagbibigay ng napakalaki sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang dating di-matukoy na problema: Ang relasyon ng tao sa Diyos ay para lamang sa sarili niyang interes. Isa itong relasyon sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng pagpapala. Sa madaling salita, katulad ito ng relasyon sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho lamang ang empleyado para matanggap ang mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal sa gayong relasyon, transaksyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, pigil na galit at panlilinlang lamang. Walang pagiging matalik, isang pagitan lamang na hindi matatawid. Ngayong umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, sino ang makapagbabaligtad ng gayong takbo? At ilang tao ang may kakayahang tunay na maunawaan kung gaano na kagrabe ang relasyong ito? Naniniwala Ako na kapag ibinuhos ng mga tao ang kanilang sarili sa galak ng pagiging mapalad, walang sinumang makakaisip kung gaano kahiya-hiya at hindi magandang tingnan ang gayong relasyon sa Diyos.
Ang pinakamalungkot na bagay tungkol sa paniniwala ng sangkatauhan sa Diyos ay na isinasagawa ng tao ang kanyang sariling pamamahala sa gitna ng gawain ng Diyos subalit hindi pinapansin ang pamamahala ng Diyos. Ang pinakamalaking kabiguan ng tao ay nasa kung paanong ang tao, kasabay ng paghahangad na magpasakop sa Diyos at sambahin Siya, ay bumubuo ng sarili nitong mainam na hantungan at nagpaplano kung paano matatanggap ang pinakamalaking pagpapala at pinakamagandang hantungan. Kahit nauunawaan ng isang tao kung gaano siya kahabag-habag, kasuklam-suklam, at kaawa-awa, ilan ang madaling makakatalikod sa kanyang mga mithiin at inaasam? At sino ang nagagawang pahintuin ang sarili niyang mga hakbang at patigilin ang pag-iisip lamang sa kanyang sarili? Kailangan ng Diyos yaong mga makikipagtulungan nang husto sa Kanya upang tapusin ang Kanyang pamamahala. Kailangan Niya yaong mga magpapasakop sa Kanya sa pamamagitan ng paglalaan ng kanilang buong isipan at katawan sa gawain ng Kanyang pamamahala. Hindi Niya kailangan ang mga taong maglalahad ng kanilang mga kamay para mamalimos sa Kanya araw-araw, lalong hindi Niya kailangan yaong mga nagbibigay ng kaunti at pagkatapos ay naghihintay na magantimpalaan. Kinamumuhian ng Diyos yaong mga gumagawa ng maliit na kontribusyon at pagkatapos ay nagpapakasasa sa kanilang mga tagumpay. Kinamumuhian Niya yaong mga taong walang damdamin na minamasama ang gawain ng Kanyang pamamahala at nais lamang pag-usapan ang tungkol sa pagtungo sa langit at pagtatamo ng mga pagpapala. Higit pa ang pagkasuklam Niya sa mga nagsasamantala sa pagkakataong hatid ng gawaing Kanyang ginagawa sa pagliligtas sa sangkatauhan. Iyon ay dahil hindi kailanman nagmalasakit ang mga taong ito sa nais ng Diyos na makamit at makuha sa pamamagitan ng gawain ng Kanyang pamamahala. Ang inaalala lamang nila ay kung paano nila magagamit ang pagkakataong laan ng gawain ng Diyos upang magtamo ng mga pagpapala. Wala silang malasakit sa puso ng Diyos, dahil lubos silang abala sa sarili nilang mga inaasam at kapalaran. Yaong mga minamasama ang gawain ng pamamahala ng Diyos at wala ni katiting na interes kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan at sa Kanyang kalooban ay ginagawa lamang kung ano ang ikinasisiya nila sa isang paraan na hiwalay sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang kanilang pag-uugali ay hindi tinatandaan ni inaaprubahan ng Diyos—lalong hindi pinapaboran ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 358
Malapit na malapit nang matapos ang Aking gawain, at ang maraming taon ng pagsasama ay naging di-mabatang alaala. Walang tigil Kong inulit ang Aking mga salita at palagiang inilatag ang Aking bagong gawain. Siyempre, ang Aking payo ay isang kinakailangang bahagi ng bawat piraso ng gawaing ginagawa Ko. Kung wala ang Aking payo, lahat kayo ay maliligaw at lubos na matutuliro pa. Ang Aking gawain ay malapit nang matapos ngayon at nasa huling yugto na nito. Nais Ko pa ring gawin ang gawain ng pagbibigay ng payo, iyon ay, ang mag-alok ng mga payo para pakinggan ninyo. Umaasa lang Ako na hindi ninyo magagawang sayangin ang Aking mga pagsisikap, at, bukod pa roon, na magagawa ninyong maunawaan ang maingat na pangangalagang Aking ginawa, at ituring ang Aking mga salita bilang saligan ng kung paano kayo kumikilos bilang isang tao. Kung ang mga ito man ay ang uri ng mga salita na handa ninyong pakinggan o hindi, kung nasisiyahan man kayo o hindi na tanggapin ang mga ito o matatanggap lang ang mga ito nang may pagkabalisa, dapat ninyong seryosohin ang mga ito. Kung hindi, ang inyong mga di-seryoso at walang malasakit na mga disposisyon at mga asal ay lubhang magpapabahala sa Akin at talagang magpapasuklam sa Akin. Lubos Akong umaasa na lahat kayo ay magagawang basahin ang Aking mga salita nang paulit-ulit—nang libu-libong beses—at maisasaulo pa nga ang mga ito. Sa ganitong paraan lang ninyo magagawang hindi biguin ang Aking mga inaasahan sa inyo. Subalit, wala sa inyo ang namumuhay nang ganito ngayon. Sa kabaligtaran, lahat kayo ay nalulubog sa isang pinasamang buhay, isang buhay ng pagkain at pag-inom hanggang sa inyong ikasisiya, at wala sa inyo ang gumagamit ng Aking mga salita upang mapayaman ang inyong puso at kaluluwa. Ito ang dahilan kung bakit nahinuha Ko ang totoong mukha ng sangkatauhan: Kaya Akong pagtaksilan ng tao anumang oras, at walang sinuman ang maaaring maging lubos na matapat sa Aking mga salita.
“Ang tao ay ganap nang nagawang tiwali ni Satanas na wala na siyang hitsura ng tao.” Bahagya nang kinikilala ngayon ng karamihan ng mga tao ang pariralang ito. Sinasabi Ko ito dahil ang “pagkilala” na tinutukoy Ko ay isang uri lang ng mababaw na pagkilala, na salungat sa tunay na kaalaman. Yamang wala sa inyo ang kayang tumpak na tasahin o masusing suriin ang inyong mga sarili, nananatili kayong may iba’t ibang pakahulugan sa Aking mga salita. Ngunit sa pagkakataong ito, gumagamit Ako ng mga katunayan upang ipaliwanag ang isang pinakaseryosong problema na umiiral sa inyo. Ang problemang iyon ay ang pagtataksil. Pamilyar kayong lahat sa salitang “pagtataksil,” dahil karamihan sa mga tao ay nakagawa na ng isang bagay na nagtataksil sa iba, tulad ng isang asawang lalaki na pinagtataksilan ang kanyang asawang babae, isang asawang babae na pinagtataksilan ang kanyang asawang lalaki, isang anak na lalaki na pinagtataksilan ang kanyang ama, isang anak na babae na pinagtataksilan ang kanyang ina, isang alipin na pinagtataksilan ang kanyang amo, mga magkakaibigan na pinagtataksilan ang isa’t isa, mga magkakamag-anak na pinagtataksilan ang isa’t isa, mga nagbebenta na pinagtataksilan ang mga mamimili, at iba pa. Ang lahat ng halimbawang ito ay naglalaman ng diwa ng pagtataksil. Sa madaling salita, ang pagtataksil ay isang uri ng pag-uugali na sumisira sa isang pangako, lumalabag sa mga prinsipyo ng moralidad, o lumalaban sa pantaong etika, na nagpapakita ng isang pagkawala ng pagkatao. Sa pangkalahatan, bilang isang taong isinilang sa daigdig na ito, may nagawa ka nang isang bagay na maituturing na pagtataksil sa katotohanan, kung naaalala mo man na nakagawa ka kailanman ng isang bagay upang pagtaksilan ang iba pang tao, o kung pinagtaksilan mo na ang iba nang maraming beses. Dahil ikaw ay may kakayahang pagtaksilan ang iyong mga magulang o mga kaibigan, ikaw ay may kakayahang pagtaksilan ang iba, at ikaw rin ay may kakayahang magtaksil sa Akin at gumawa ng mga bagay na kinamumuhian Ko. Sa ibang salita, ang pagtataksil ay hindi lamang isang mababaw na imoral na pag-uugali, ngunit isang bagay na hindi kaayon ng katotohanan. Ito mismo ang pinagmumulan ng paglaban at pagsuway sa Akin ng sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit nalagom Ko ito sa sumusunod na pahayag: Ang pagtataksil ay kalikasan ng tao, at ang kalikasang ito ang malaking kalaban ng pagiging kaayon sa Akin ng bawat tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 1
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 359
Ang pag-uugaling hindi kayang lubusang sumunod sa Akin ay pagtataksil. Ang pag-uugaling hindi kayang maging tapat sa Akin ay pagtataksil. Ang pagdaya sa Akin at paggamit ng mga kasinungalingan upang linlangin Ako ay pagtataksil. Ang pagtataglay ng maraming kuru-kuro at pagpapakalat sa mga ito sa lahat ng dako ay pagtataksil. Ang kawalan ng kakayahang itaguyod ang Aking mga patotoo at mga interes ay pagtataksil. Ang paghahandog ng mga huwad na ngiti kapag malayo sa Akin ang puso ay pagtataksil. Ang lahat ng ito ay mga gawain ng pagtataksil na palagi na ninyong nagagawa, at ang mga ito ay karaniwan din sa inyo. Maaaring wala sa inyo ang nag-iisip na ito ay isang problema, ngunit hindi iyon ang iniisip Ko. Hindi Ko maaaring tratuhin ang pagtataksil sa Akin ng isang tao bilang isang maliit na bagay, at lalo namang hindi Ko maaaring hindi ito pansinin. Ngayon, kapag Ako ay gumagawa sa gitna ninyo, kumikilos kayo sa ganitong paraan—kung darating ang araw na walang sinuman ang naroon upang bantayan kayo, hindi ba kayo magiging gaya ng mga bandido na ipinapahayag ang kanilang sarili na mga hari ng kanilang mga munting bundok? Kapag nangyari iyon at nagsanhi kayo ng isang malaking sakuna, sino ang naroroon upang ayusin ang problema? Iniisip ninyong ang ilang gawaing pagtataksil ay paminsan-minsang pangyayari lang, hindi ang inyong namimihasang pag-uugali, at hindi nararapat pag-usapan nang ganito kaseryoso, sa isang paraang pumipinsala sa inyong kapurihan. Kung talagang ganito ang iniisip ninyo, kulang kayo sa katinuan. Ang mag-isip nang ganito ay ang maging isang uliran at halimbawa ng paghihimagsik. Ang kalikasan ng tao ay ang kanyang buhay; ito ay isang prinsipyo kung saan siya umaasa upang manatiling buhay, at hindi niya maaaring baguhin ito. Gawing halimbawa ang kalikasan ng pagtataksil. Kung kaya mong gumawa ng isang bagay upang pagtaksilan ang isang kamag-anak o kaibigan, ito ay nagpapatunay na bahagi ito ng iyong buhay at ipinanganak kang may ganitong kalikasan. Ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ninuman. Halimbawa, kung nasisiyahan ang isang taong magnakaw sa iba, ang kasiyahang magnakaw na ito ay bahagi ng kanyang buhay, bagaman maaaring magnakaw siya minsan at hindi naman magnakaw minsan. Magnakaw man siya o hindi, hindi nito maaaring patunayan na ang kanyang pagnanakaw ay isang uri lamang ng pag-uugali. Sa halip, nagpapatunay ito na ang kanyang pagnanakaw ay isang bahagi ng kanyang buhay—iyon ay, ang kanyang kalikasan. Ang ilang tao ay magtatanong: Yamang ito ay kanyang kalikasan, kung gayon bakit, kapag nakakakita siya ng magagandang bagay, hindi niya minsan ninanakaw ang mga iyon? Ang sagot ay napakasimple. Maraming kadahilanan kung bakit hindi siya nagnanakaw. Maaaring hindi niya nakawin ang isang bagay dahil masyado itong malaki para kupitin mula sa mapagbantay na mga mata, o dahil walang angkop na oras upang kumilos, o ang isang bagay ay masyadong mahal, masyadong mahigpit na nababantayan, o marahil siya ay hindi partikular na interesado rito, o hindi niya nakikita ang magiging gamit nito sa kanya, at iba pa. Ang lahat ng kadahilanang ito ay posible. Ngunit ano pa man, kung nakawin man niya ang isang bagay o hindi, hindi nito maaaring patunayan na ang kaisipang ito ay umiiral lang bilang isang panandalian at pahapyaw na saglit. Sa kabaligtaran, ito ay isang bahagi ng kanyang kalikasan na mahirap baguhin upang gawing mas mabuti. Ang ganitong tao ay hindi nasisiyahan sa pagnanakaw nang isang beses lamang; ang ganitong mga saloobing angkinin ang mga pag-aari ng ibang tao bilang kanya ay nabubuo tuwing nakakatagpo siya ng isang bagay na maganda, o isang angkop na sitwasyon. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na ang pinagmulan ng kaisipang ito ay hindi isang bagay na napupulot lang paminsan-minsan, kundi nasa sariling kalikasan ng taong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 1
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 360
Ang sinuman ay maaaring gumamit ng kanilang sariling mga salita at mga pagkilos upang katawanin ang kanilang tunay na mukha. Ang totoong mukhang ito ay, siyempre, ang kanilang kalikasan. Kung ikaw ay isang taong nagsasalita sa isang paikut-ikot na paraan, ikaw ay may isang baluktot na kalikasan. Kung ang iyong kalikasan ay tuso, kumikilos ka sa mapanlinlang na paraan, at ginagawa mong napakadali para sa iba na malansi mo. Kung ang iyong kalikasan ay nakakatakot, maaaring maging kaaya-ayang pakinggan ang iyong mga salita, ngunit hindi maitatago ng iyong mga pagkilos ang iyong mga nakakatakot na pandaraya. Kung ang iyong kalikasan ay tamad, ang lahat ng bagay na iyong sinasabi ay naglalayong umiwas sa responsibilidad para sa iyong kawalang-interes at katamaran, at ang iyong mga pagkilos ay magiging mabagal at basta-basta, at napakagaling sa pagtatakip ng katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay madamayin, magiging makatwiran ang iyong mga salita, at ang mga kilos mo rin ay aayon nang maigi sa katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay tapat, ang iyong mga salita ay tiyak na taos-puso at ang paraan ng iyong pagkilos ay praktikal, walang anumang magsasanhi para sa iyong amo na mabalisa. Kung ang iyong kalikasan ay mapagnasa o sakim sa pera, ang iyong puso ay kadalasang mapupuno ng mga bagay na ito, at ikaw ay hindi sinasadyang gagawa ng mga lihis at imoral na bagay na magiging mahirap para sa mga tao na makalimutan at na magpapasulasok sa kanila. Tulad ng nasabi Ko, kung mayroon kang isang kalikasan ng pagtataksil, mahihirapan kang kumawala rito. Huwag mong iasa sa swerte na kung hindi ka nagkasala sa iba ay wala kang kalikasan ng pagtataksil. Kung ganoon ang iyong iniisip, ikaw nga ay talagang kasuklam-suklam. Ang lahat ng salita Ko, tuwing nagsasalita Ako, ay nakatuon sa lahat ng tao, hindi lamang sa isang tao o isang uri ng tao. Dahil lamang hindi mo pa Ako pinagtaksilan sa isang bagay ay hindi nagpapatunay na hindi mo Ako maaaring pagtaksilan sa anumang bagay. Kapag may mga dagok sa samahan nilang mag-asawa, nawawalan ang ibang tao ng kanilang tiwala sa paghahanap sa katotohanan. Tinatalikdan ng ibang tao ang kanilang obligasyon na maging tapat sa Akin sa panahon ng pagkasira ng pamilya. Iniiwan Ako ng ibang tao upang maghanap ng isang sandali ng kagalakan at katuwaan. Ang ibang tao ay mas gugustuhin pang mahulog sa isang madilim na bangin kaysa mabuhay sa liwanag at matamo ang kaluguran ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang ibang tao ay hindi pinapansin ang payo ng mga kaibigan para lang bigyang-kasiyahan ang kanilang pagnanasa sa kayamanan, at kahit ngayon ay hindi kayang kilalanin ang kanilang pagkakamali at baguhin ang kanilang landas. Ang ibang tao ay pansamantalang naninirahan lamang sa ilalim ng Aking ngalan upang matanggap ang Aking pangangalaga, habang ang iba ay sapilitan lang na naglalaan sa Akin nang kaunti sapagkat kumakapit sila sa buhay at takot sa kamatayan. Hindi ba’t ang mga ito at ang iba pang mga imoral na pagkilos, na bukod pa roon ay walang integridad, ay mga pag-uugali lamang na kung saan ang mga tao ay matagal nang pinagtaksilan Ako sa kaibuturan ng kanilang mga puso? Siyempre, alam Kong hindi paunang binabalak ng mga tao ang pagtaksilan Ako; ang pagtataksil nila ay isang natural na pagbubunyag ng kanilang kalikasan. Walang sinuman ang nagnanais na pagtaksilan Ako, at walang sinuman ang masaya sapagkat nakagawa sila ng isang bagay upang pagtaksilan Ako. Sa kabaligtaran, nanginginig sila sa takot, hindi ba? Kaya, iniisip ba ninyo kung paano tutubusin ang mga pagtataksil na ito, at kung paano babaguhin ang kasalukuyang kalagayan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 1
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 361
Ang kalikasan ng tao ay ganap na naiiba sa Aking diwa, sapagkat ang tiwaling kalikasan ng tao ay lubos na nagmumula kay Satanas; ang kalikasan ng tao ay naproseso na at nagawa nang tiwali ni Satanas. Ibig sabihin, nabubuhay ang tao sa ilalim ng impluwensya ng kasamaan at kapangitan nito. Ang tao ay hindi lumalaki sa isang mundo ng katotohanan o sa isang banal na kapaligiran, at lalo namang hindi nabubuhay ang tao sa liwanag. Samakatuwid, hindi posibleng taglayin ninuman ang katotohanan sa kanilang kalikasan mula sa pagsilang, at lalong hindi maisisilang ang sinuman nang may diwang may takot at sumusunod sa Diyos. Sa kabaligtaran, nagtataglay ang mga tao ng isang kalikasang lumalaban sa Diyos, sumusuway sa Diyos, at walang pagmamahal sa katotohanan. Ang kalikasang ito ang problemang nais Kong talakayin—ang pagtataksil. Ang pagtataksil ang pinagmumulan ng paglaban ng bawat tao sa Diyos. Ito ay isang problemang umiiral lamang sa tao, at hindi sa Akin. Itatanong ng ilan: Yamang nabubuhay ang lahat ng tao sa mundo gaya ni Cristo, bakit mayroon ang lahat ng tao ng mga kalikasang nagtataksil sa Diyos, subalit si Cristo ay wala? Ito ay isang problemang kailangang ipaliwanag nang malinaw sa inyo.
Ang batayan ng pag-iral ng sangkatauhan ay ang paulit-ulit na muling pagkakatawang-tao ng kaluluwa. Sa madaling salita, bawat tao ay nagtatamo ng isang pantaong buhay sa laman kapag muling nagkakatawang-tao ang kanilang kaluluwa. Matapos isilang ang katawan ng isang tao, nagpapatuloy ang buhay nito hanggang maabot nito sa huli ang mga hangganan nito, na siyang pangwakas na sandali, kung kailan nililisan ng kaluluwa ang katawan nito. Nagpapaulit-ulit ang prosesong ito, na ang kaluluwa ng isang tao ay paulit-ulit na dumarating at umaalis, at sa gayon ay napapanatili ang pag-iral ng sangkatauhan. Ang buhay ng laman ay ang buhay rin ng kaluluwa ng tao, at ang kaluluwa ng tao ang sumusuporta sa pag-iral ng laman ng tao. Na ang ibig sabihin, ang buhay ng bawat tao ay nagmumula sa kanilang kaluluwa, at ang buhay ay hindi likas sa laman. Samakatuwid, nanggagaling ang kalikasan ng tao sa kaluluwa, hindi sa laman. Tanging ang kaluluwa ng bawat tao ang nakakaalam kung paano nila naranasan ang mga panunukso, pagpapahirap, at katiwalian ni Satanas. Hindi nalalaman ng laman ng tao ang mga bagay na ito. Kaya, di-sinasadyang nagiging padilim nang padilim, parumi nang parumi, at pasama nang pasama ang sangkatauhan, habang palaki nang palaki ang agwat sa pagitan Ko at ng tao, at padilim nang padilim ang buhay para sa sangkatauhan. Ang mga kaluluwa ng sangkatauhan ay hawak ni Satanas sa mga kamay nito, kaya, siyempre, ang laman ng tao ay nasakop na rin ni Satanas. Paanong hindi kakalabanin ng laman na tulad nito at ng sangkatauhang ito ang Diyos? Paano sila magiging likas na kaayon Niya? Itinapon Ko sa hangin si Satanas dahil pinagtaksilan Ako nito. Paano, kung gayon, mapapalaya ang mga tao sa pagkakasangkot nila? Ito ang dahilan kung bakit ang pagtataksil ay kalikasan ng tao. Umaasa Akong sa sandaling maunawaan ninyo ang pangangatwirang ito, dapat din kayong magkaroon ng kaunting paniniwala sa diwa ni Cristo. Ang katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos ay ang sariling katawang-tao ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ang pinakamataas; Siya ay makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Gayon din, ang Kanyang katawang-tao ay pinakamataas, makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Ang magagawa lamang ng katawang-taong ito ay yaong matuwid at makakabuti sa sangkatauhan, yaong banal, maluwalhati, at makapangyarihan; wala Siyang kakayahang gumawa ng anumang bagay na labag sa katotohanan, na labag sa moralidad at katarungan, at lalong wala Siyang kakayahang gumawa ng anuman na magtataksil sa Espiritu ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ay banal, at sa gayon ay hindi magagawang tiwali ni Satanas ang Kanyang katawang-tao; ang Kanyang katawang-tao ay naiiba ang diwa kaysa laman ng tao. Sapagkat ang tao, hindi ang Diyos, ang siyang ginawang tiwali ni Satanas; hindi posibleng magawang tiwali ni Satanas ang katawang-tao ng Diyos. Kaya, sa kabila ng katunayan na iisa ang espasyong tinitirhan ng tao at ni Cristo, ang tao lamang ang pinaghaharian, kinakasangkapan, at binibitag ni Satanas. Sa kabaligtaran, si Cristo ay hindi tinatablan ng katiwalian ni Satanas magpakailanman, dahil hindi magkakaroon ng kakayahan si Satanas kailanman na umakyat sa kataas-taasang lugar, at hindi magagawang lumapit sa Diyos kailanman. Ngayon, dapat ninyong maunawaang lahat na ang sangkatauhan lamang, na nagawa nang tiwali ni Satanas, ang siyang nagtataksil sa Akin. Ang pagtataksil ay hindi kailanman magiging isang isyu na kasasangkutan ni Cristo kahit kaunti.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 362
Lahat ng kaluluwang ginawang tiwali ni Satanas ay nasa ilalim ng pagkaalipin sa sakop ni Satanas. Yaon lamang mga naniniwala kay Cristo ang naihiwalay na, nailigtas mula sa kampo ni Satanas, at nadala sa kaharian ngayon. Hindi na nabubuhay ang mga taong ito sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Gayunpaman, ang kalikasan ng tao ay nakaugat pa rin sa laman ng tao, na ibig sabihin ay bagama’t naligtas na ang inyong kaluluwa, ang inyong kalikasan ay gaya pa rin ng dati, at ang posibilidad na pagtataksilan ninyo Ako ay nananatiling isandaang porsiyento. Ito ang dahilan kung bakit tumatagal nang napakatagal ang Aking gawain, sapagkat ang inyong kalikasan ay mahirap kontrolin. Ngayon, lahat kayo ay nagdaraan sa mga paghihirap hangga’t makakaya ninyo habang tinutupad ninyo ang inyong mga tungkulin, subalit bawat isa sa inyo ay may kakayahang pagtaksilan Ako at bumalik sa sakop ni Satanas, sa kampo nito, at bumalik sa dati ninyong buhay—hindi maikakaila ang katotohanang ito. Sa panahong iyon, hindi magiging posibleng may makita sa inyo ni katiting na pagkatao o wangis ng tao, na kagaya ninyo ngayon. Sa mga seryosong kaso, kayo ay wawasakin at, higit pa riyan, mapapahamak kayo nang walang-hanggan, parurusahan nang matindi, hindi na kailanman muling magkakatawang-tao. Ito ang problemang nakalahad sa inyong harapan. Pinaaalalahanan Ko kayo sa ganitong paraan, una, upang hindi mawalan ng saysay ang Aking gawain, at pangalawa, upang makapamuhay kayong lahat sa mga panahon ng liwanag. Sa totoo lang, ang malaking problema ay hindi kung may saysay ang Aking gawain o wala. Ang mahalaga ay nagagawa ninyong mabuhay nang masaya at magkaroon ng magandang hinaharap. Ang Aking gawain ay ang gawain ng pagliligtas sa kaluluwa ng mga tao. Kung mahulog ang iyong kaluluwa sa mga kamay ni Satanas, hindi mabubuhay nang payapa ang iyong katawan. Kung pinangangalagaan Ko ang iyong katawan, tiyak na nasa ilalim din ng Aking pangangalaga ang iyong kaluluwa. Kung talagang kinamumuhian kita, mahuhulog kaagad ang iyong katawan at kaluluwa sa mga kamay ni Satanas. Naiisip mo ba ang sitwasyon mo kapag nagkagayon? Kung, isang araw ay mawala sa inyo ang Aking mga salita, ipapasa Ko kayong lahat kay Satanas, na isasailalim kayo sa napakasakit na pagpapahirap hanggang sa lubos na mapawi ang Aking galit, o kaya’y parurusahan Ko nang personal kayong mga taong hindi na matutubos, sapagkat ang inyong pusong nagtataksil sa Akin ay hindi na magbabago kailanman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 363
Dapat ninyong lahat tingnan ngayon ang mga sarili ninyo agad-agad, upang makita kung gaano kalaking pagtataksil sa Akin ang nasasainyo pa. Sabik Akong naghihintay sa inyong tugon. Huwag ninyo Akong pakitunguhan nang basta-basta. Kailanma’y hindi Ako nakikipaglaro sa mga tao. Kung sinasabi Kong gagawin Ko ang isang bagay ay tiyak na gagawin Ko ito. Umaasa Akong ang bawat isa sa inyo ay magiging isang taong sineseryoso ang mga salita Ko, at hindi ipinagpapalagay ang mga iyon na kathang-isip na agham. Ang nais Ko ay kongkretong pagkilos mula sa inyo, hindi ang inyong mga haka-haka. Sunod, dapat ninyong sagutin ang mga tanong Ko, na ang mga sumusunod:
1. Kung tunay kang isang taga-serbisyo, makakapaglingkod ka ba sa Akin nang matapat, nang walang anumang bahid ng pagpapabaya o pagiging negatibo?
2. Kung malaman mong hindi kita napahalagahan kailanman, makakayanan mo pa rin bang manatili at maglingkod sa Akin habambuhay?
3. Kung nananatili pa rin Akong masyadong malamig sa iyo bagama’t gumugol ka na ng matinding pagsisikap, makakaya mo bang magpatuloy na gumawa para sa Akin kahit hindi napapansin?
4. Kung, pagkatapos mong gumugol para sa Akin, hindi Ko tinutugunan ang maliliit mong hinihingi, masisiraan ka ba ng loob at madidismaya sa Akin, o magiging galit na galit pa at sisigaw pa ng pang-aabuso?
5. Kung palagi ka nang naging napakatapat, nang may malaking pagmamahal sa Akin, ngunit nagdurusa ka ng pagpapahirap ng sakit, ng kasalatan sa buhay, at ng pang-iiwan ng iyong mga kaibigan at kamag-anak, o kung nagtitiis ka ng anumang iba pang mga kasawian sa buhay, magpapatuloy pa rin ba ang iyong katapatan at pagmamahal sa Akin?
6. Kung wala sa anumang naguni-guni mo sa puso mo ang tumutugma sa kung ano ang nagawa Ko, paano ka lalakad sa landas mo sa hinaharap?
7. Kung hindi mo natatanggap ang alinman sa mga bagay na inasahan mong matanggap, makakapagpatuloy ka bang maging tagasunod Ko?
8. Kung hindi mo kailanman naunawaan ang layunin at kabuluhan ng gawain Ko, magiging isa ka bang masunuring taong hindi basta-basta gumagawa ng mga paghatol at mga konklusyon?
9. Mapapahalagahan mo ba ang lahat ng salitang sinabi Ko at lahat ng gawaing ginawa Ko habang kasama Ko ang sangkatauhan?
10. Kaya mo bang maging matapat Kong tagasunod, nakahandang magdusa para sa Akin habambuhay, kahit na hindi ka tumatanggap ng anumang bagay?
11. Alang-alang sa Akin, kaya mo bang hindi magsaalang-alang, magplano, o maghanda para sa iyong landas ng pananatiling buhay sa hinaharap?
Kinakatawan ng mga tanong na ito ang Aking mga pangwakas na kinakailangan sa inyo, at inaasahan Kong lahat kayo ay makakatugon sa Akin. Kung nagampanan mo na ang isa o dalawang bagay na hinihingi sa iyo ng mga katanungang ito, kinakailangan mo pa ring ipagpatuloy ang paggawa nang masigasig. Kung hindi mo kayang tuparin ni isa sa mga kinakailangang ito, tiyak na ikaw ang uri ng taong itatapon sa impiyerno. Wala Akong kailangang sabihing anumang karagdagan pa sa ganoong mga tao, sapagkat sila ay tiyak na hindi mga tao na kayang maging kaayon Ko. Paano Ko pananatilihin sa tahanan Ko ang isang taong maaaring magtaksil sa Akin sa anumang pagkakataon? Pagdating naman sa mga yaong maaari pa ring magtaksil sa Akin sa karamihan ng mga pagkakataon, pagmamasdan Ko ang kanilang pagganap bago gumawa ng ibang mga pagsasaayos. Subalit, ang lahat ng may kakayahang magtaksil sa Akin, sa ilalim ng anumang kundisyon, hindi Ko kailanman kakalimutan; aalalahanin Ko sila sa Aking puso, at maghihintay Ako ng pagkakataong suklian ang masasama nilang gawa. Ang mga kinakailangang nabanggit Ko ay lahat mga problemang dapat ninyong siyasatin sa inyong mga sarili. Inaasahan Kong kaya ninyong lahat na seryosong isaalang-alang ang mga ito at hindi Ako pakitunguhan nang basta-basta. Sa nalalapit na hinaharap, ikukumpara Ko ang mga sagot na ibinigay ninyo sa Akin sa mga kinakailangan Ko. Sa panahong iyon, hindi na Ako mangangailangan pa ng anumang bagay mula sa inyo at hindi na magbibigay pa sa inyo ng marubdob na pagpapaalala. Sa halip, gagamitin Ko ang awtoridad Ko. Yaong mga dapat panatiliin ay pananatiliin, yaong mga dapat gantimpalaan ay gagantimpalaan, yaong mga dapat ibigay kay Satanas ay ibibigay kay Satanas, yaong mga dapat parusahan nang mabigat ay parurusahan nang mabigat, at yaong mga dapat mamatay ay wawasakin. Sa ganoong paraan, hindi na magkakaroon ng sinumang gagambala sa Akin sa mga araw Ko. Naniniwala ka ba sa mga salita Ko? Naniniwala ka ba sa paghihiganti? Naniniwala ka bang parurusahan Kong lahat yaong masasama na nanlilinlang at nagtataksil sa Akin? Hinihiling mo bang dumating ang araw na iyon nang mas maaga o nang mas huli? Isa ka bang taong takot na takot sa kaparusahan, o isang lalaban sa Akin kahit pa magtiis sila ng kaparusahan? Kapag dumating ang araw na iyon, naguguni-guni mo ba kung mamumuhay ka sa gitna ng mga kasiyahan at tawanan, o kung iiyak ka at magngangalit ang mga ngipin mo? Anong uri ng katapusan ang nais mong magkaroon ka? Kailanman ba’y seryoso mo nang naisaalang-alang kung naniniwala ka sa Akin nang isandaang porsiyento o nagdududa sa Akin nang isandaang porsiyento? Kailanman ba ay maingat mo nang naisaalang-alang kung anong uri ng mga kahihinatnan at kalalabasan ang idudulot sa iyo ng mga pagkilos at pag-uugali mo? Talaga bang umaasa kang matutupad isa-isa ang lahat ng salita Ko, o takot na takot ka bang matutupad isa-isa ang mga salita Ko? Kung umaasa kang aalis Ako sa lalong madaling panahon upang tuparin ang mga salita Ko, paano mo dapat tratuhin ang sarili mong mga salita at mga pagkilos? Kung hindi ka umaasa sa paglisan Ko at hindi umaasa na matutupad kaagad ang lahat ng salita Ko, bakit ka pa naniniwala sa Akin? Talaga bang alam mo kung bakit ka sumusunod sa Akin? Kung ang dahilan mo ay upang palawakin lamang ang naaabot ng iyong paningin, hindi mo kinakailangang magpakahirap pa. Kung ito ay upang pagpalain ka at makaiwas sa parating na sakuna, bakit hindi ka nag-aalala sa sarili mong pag-uugali? Bakit hindi mo tinatanong ang sarili mo kung matutugunan mo ba ang mga kinakailangan Ko? Bakit hindi mo rin tinatanong ang sarili mo kung karapat-dapat ka bang tumanggap ng mga darating na pagpapala?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 364
Lahat ng Aking tao na naglilingkod sa Aking harapan ay dapat gunitain ang nakaraan: Nabahiran ba ng dumi ang inyong pagmamahal sa Akin? Dalisay ba at taos-puso ang inyong katapatan sa Akin? Totoo ba ang inyong kaalaman tungkol sa Akin? Gaano kalaki ang puwang Ko sa inyong puso? Napuno Ko ba ang buong puso ninyo? Gaano karami ang naisagawa ng Aking mga salita sa inyong kalooban? Huwag ninyo Akong ituring na isang hangal! Napakalinaw ng mga bagay na ito sa Akin! Ngayon, habang binibigkas ang tinig ng Aking pagliligtas, naragdagan ba ang inyong pagmamahal sa Akin? Naging dalisay ba ang bahagi ng inyong katapatan sa Akin? Lumalim ba ang inyong kaalaman tungkol sa Akin? Naglatag ba ng matibay na pundasyon ang papuring inialay noong araw para sa inyong kaalaman ngayon? Gaano kalaking bahagi ninyo ang okupado ng Aking Espiritu? Gaano kalaking puwang ang sakop ng Aking larawan sa inyong kalooban? Tumagos ba sa puso ninyo ang Aking mga pagbigkas? Nadarama ba ninyo talaga na wala kayong mapagtataguan ng inyong kahihiyan? Naniniwala ba talaga kayo na hindi kayo karapat-dapat na maging Aking mga tao? Kung kayo ay ganap na walang kamalayan sa mga katanungan sa itaas, nagpapakita ito na sinasamantala mo ang sitwasyon, na nariyan ka lamang para magparami sa bilang, at sa panahong Aking paunang itinalaga, tiyak na palalayasin ka at itutulak sa walang hanggang hukay sa ikalawang pagkakataon. Ito ang Aking mga salita ng babala, at ang sinumang nagbabalewala sa mga ito ay tatamaan ng Aking paghatol, at, sa takdang panahon, ay daranas ng kalamidad. Hindi nga ba ganito? Kailangan Ko pa bang magbigay ng mga halimbawa upang ilarawan ito? Kailangan Ko bang magsalita nang mas malinaw upang magbigay ng halimbawa sa inyo? Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, marami nang taong sumuway sa Aking mga salita at sa gayon ay inalis at pinalayas na mula sa daloy ng Aking pagbawi; sa huli, namamatay ang kanilang katawan at itinatapon ang kanilang espiritu sa Hades, at kahit ngayon ay isinasailalim pa rin sila sa mabigat na kaparusahan. Maraming tao na ang sumunod sa Aking mga salita, ngunit sumalungat na sa Aking kaliwanagan at pagtanglaw, at sa gayon ay sinipa Ko na sa isang tabi, nahulog sa ilalim ng sakop ni Satanas at naging yaong mga tutol sa Akin. (Ngayon lahat niyaong mga direktang tumututol sa Akin ay sumusunod lamang sa kababawan ng Aking mga salita, at sumusuway sa diwa ng Aking mga salita.) Marami na rin ang nakinig lamang sa mga salitang Aking sinabi kahapon, na kumapit sa “basura” ng nakaraan at hindi pinahalagahan ang “bunga” ng kasalukuyan. Hindi lamang nabihag ni Satanas ang mga taong ito, kundi naging mga walang-hanggang makasalanan at naging Aking mga kaaway, at tuwiran nila Akong kinakalaban. Ang gayong mga tao ang mga pakay ng Aking paghatol sa kasukdulan ng Aking poot, at ngayon ay bulag pa rin sila, nasa loob pa rin ng madidilim na piitan (na ang ibig sabihin, ang mga taong tulad nito ay bulok at manhid na mga bangkay na kontrolado ni Satanas; sapagka’t ang kanilang mga mata ay Aking tinakpan, Aking sinasabi na sila ay mga bulag). Makabubuting magbigay ng isang halimbawa para sa inyong sanggunian, upang may matutuhan kayo mula rito:
Sa pagbanggit kay Pablo, iisipin ninyo ang kanyang kasaysayan, at ang ilan sa mga kuwento tungkol sa kanya na hindi tumpak at hindi umaayon sa realidad. Tinuruan siya ng kanyang mga magulang mula sa murang edad, at natanggap ang Aking buhay, at bilang resulta ng Aking paunang pagtatalaga ay nagtaglay siya ng kakayahang Aking kinakailangan. Sa edad na 19, binasa niya ang iba’t ibang libro tungkol sa buhay; kaya hindi Ko na kailangang idetalye kung paano, dahil sa kanyang kakayahan, at dahil sa Aking kaliwanagan at pagpapalinaw, hindi lamang siya nakapagsalita ng ilang kabatiran tungkol sa espirituwal na mga bagay, kundi nagawa niya ring tarukin ang Aking mga intensyon. Siyempre, hindi nito isinasantabi ang kombinasyon ng mga panloob at panlabas na kadahilanan. Gayon pa man, ang kanyang isang kapintasan ay, dahil sa kanyang mga talento, madalas siyang matamis magsalita at mayabang. Bilang resulta, dahil sa kanyang pagsuway, na bahagyang direktang kumatawan sa arkanghel, nang Ako ay nagkatawang-tao sa unang pagkakataon, ginawa niya ang lahat ng makakaya niya upang lumaban sa Akin. Isa siya sa mga hindi nakakaalam sa Aking mga salita, at naglaho na ang Aking lugar sa kanyang puso. Direktang tumututol ang nasabing mga tao sa Aking pagka-Diyos, at sila ay Aking pinababagsak, at yumuyuko lamang at nagkukumpisal ng kanilang mga kasalanan sa katapus-katapusan. Kaya, pagkatapos Kong magamit ang kanyang mga kalakasan—na ang ibig sabihin, matapos siyang makapaglingkod sa Akin nang kaunting panahon—bumalik siyang muli sa kanyang mga lumang gawi, at kahit na hindi niya direktang sinuway ang Aking mga salita, sinuway niya ang Aking panloob na gabay at kaliwanagan, at sa gayon ang lahat ng kanyang nagawa nang nakaraan ay walang-saysay; sa madaling salita, ang korona ng kaluwalhatian na sinabi niya ay naging hungkag na mga salita, isang produkto ng kanyang sariling imahinasyon, dahil kahit sa ngayon ay sumasailalim pa rin siya sa Aking paghatol sa loob ng pagkakabihag ng Aking mga gapos.
Mula sa halimbawa sa itaas, makikita na sinumang kumakalaban sa Akin (sa pagkalaban hindi lamang sa Aking sariling katawang-tao kundi ang mas mahalaga, sa Aking mga salita at Aking Espiritu—na ibig sabihin, sa Aking pagka-Diyos), ay tumatanggap ng Aking paghatol sa kanilang laman. Kapag iniiwan ka ng Aking Espiritu, bumubulusok ka pababa, bumababang direkta sa Hades. At bagaman ang iyong katawang laman ay nasa ibabaw ng lupa, tulad ka ng isang tao na mayroong sakit sa pag-iisip: Nawala mo na ang iyong katinuan, at agad mong nararamdaman na para kang isang bangkay, kung kaya’t nagmamakaawa ka sa Akin na agad nang wakasan ang iyong laman. Ang karamihan sa inyo na angkin ng espiritu ay may malalim na pagpapahalaga sa mga kalagayang ito, at hindi Ko na kailangang magdetalye pa. Sa nakaraan, gumawa Ako sa normal na pagkatao, karamihan sa mga tao ay sinukat na ang kanilang sarili laban sa Aking poot at pagiging maharlika, at mayroon nang kaunting kaalaman tungkol sa Aking karunungan at disposisyon. Ngayon, tuwiran Akong nagsasalita at kumikilos sa pagka-Diyos, at mayroon pa ring ilang tao na makikita ang Aking poot at paghatol sa sarili nilang mga mata; bukod pa riyan, ang pangunahing gawain ng ikalawang bahagi ng panahon ng paghatol ay ang tuwirang ipaalam sa lahat ng Aking tao ang Aking mga gawa sa katawang-tao, at tuwirang ipakita sa inyong lahat ang Aking disposisyon. Ngunit dahil Ako ay nasa katawang-tao, isinasaalang-alang Ko ang inyong mga kahinaan. Inaasahan Ko na hindi ninyo itinuturing ang inyong espiritu, kaluluwa at katawan bilang mga laruan, walang-pakialam na iniaalay ang mga iyon kay Satanas. Mas mabuti na pahalagahan ninyo ang lahat ng mayroon kayo, at hindi ito ituring na isang laro, dahil nauugnay sa inyong kapalaran ang gayong mga bagay. Naiintindihan ba talaga ninyo ang tunay na kahulugan ng Aking mga salita? May kakayahan ba talaga kayong maging mapagsaalang-alang sa Aking tunay na mga damdamin?
Handa ba kayong tamasahin ang Aking mga pagpapala sa lupa, mga pagpapalang katulad ng mga nasa langit? Handa ba kayong pahalagahan ang pag-unawa sa Akin, ang pagtatamasa ng Aking mga salita at ang pagkakilala sa Akin, bilang ang pinakamahalaga at makabuluhang mga bagay sa inyong buhay? Kaya ba talaga ninyong lubos na magpasakop sa Akin, na hindi iniisip ang inyong sariling mga interes? Kaya ba talaga ninyong tulutan ang inyong sarili na patayin Ko, at akayin Ko, gaya ng isang tupa? Mayroon bang sinuman sa inyo na may kakayahang kamtin ang ganyang mga bagay? Maaari kaya na ang lahat ng Aking tinatanggap at tumatanggap ng Aking mga pangako ay yaong mga nagkakamit ng Aking mga pagpapala? May naintindihan ba kayo na anuman mula sa mga salitang ito? Kung susubukin Ko kayo, kaya ba ninyong lubusang ilagay ang inyong mga sarili sa Aking pagsasaayos, at, sa gitna ng mga pagsubok na ito, hanapin ang Aking mga intensyon at damhin ang Aking puso? Hindi Ko nais para sa iyo na makapagsalita ng maraming makabagbag-damdaming salita, o makapagsabi ng maraming nakasasabik na kuwento; sa halip, hinihingi Ko na makaya mong magpatotoo nang mainam sa Akin, at na makapasok ka nang lubusan at malaliman sa realidad. Kung hindi Ako nagsalita nang tuwiran, tatalikuran mo kaya ang lahat ng bagay sa iyong paligid at tutulutan ang iyong sarili na gamitin Ko? Hindi ba ito ang realidad na Aking hinihingi? Sino ang nakakatarok sa kahulugan ng Aking mga salita? Subalit hinihingi Ko na huwag na kayong mabigatan pa sa mga pagdududa, na maging aktibo kayo sa inyong pagpasok at intindihin ang diwa ng Aking mga salita. Pipigilan kayo nito na magkamali sa pag-unawa sa Aking mga salita, at malabuan sa ibig Kong sabihin, at sa gayon ay lumabag sa Aking mga atas administratibo. Sana ay naiintindihan ninyo ang Aking mga layunin para sa inyo sa Aking mga salita. Huwag na ninyong isipin pa ang sarili ninyong mga pag-asam, at kumilos kayo ayon sa inyong matibay na pagpapasya sa Aking harapan na magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay. Dapat ang lahat niyaong tumatayo sa loob ng Aking sambahayan ay gawin ang lahat ng kanilang makakaya; dapat mong ihandog ang iyong pinakamahusay hanggang sa huling bahagi ng Aking gawain sa lupa. Handa ka ba talagang isagawa ang gayong mga bagay?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 4
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 365
Sa lupa, lahat ng uri ng masasamang espiritu ay walang-tigil sa paggala sa paghahanap ng mapagpapahingahan, at walang-hinto sa paghahanap ng mga bangkay ng mga tao na maaaring lamunin. Aking mga tao! Kailangan kayong manatili sa loob ng Aking pangangalaga at proteksyon. Huwag magpakasama kailanman! Huwag kumilos nang walang-ingat kailanman! Dapat mong ialay ang iyong katapatan sa Aking sambahayan, at sa katapatan mo lamang malalabanan ang panlalansi ng diyablo. Anuman ang mangyari, hindi ka dapat kumilos na tulad noong araw, na gumagawa ng isang bagay sa Aking harapan at ng iba naman sa Aking likuran; kung kikilos ka sa ganitong paraan, hindi ka na puwedeng matubos. Hindi ba higit pa sa sapat ang nabigkas Kong mga salita na tulad ng mga ito? Ito ay dahil mismo sa hindi maitama ang dating likas na pagkatao ng sangkatauhan kaya kinailangan Kong paulit-ulit na paalalahanan ang mga tao. Huwag mainip! Lahat ng sinasabi Ko ay alang-alang sa pagtiyak ng inyong tadhana! Isang mabaho at maruming lugar ang kailangan mismo ni Satanas; kapag mas hindi na kayo matutubos pa at mas nagpakasama kayo, at ayaw ninyong magpasaway, mas magkakaroon ng pagkakataon ang maruruming espiritung iyon na pasukin kayo. Kung nakarating na kayo sa puntong ito, ang inyong katapatan ay magiging walang-kabuluhang satsat lamang, walang anumang realidad, at lalamunin ng maruruming espiritu ang inyong matibay na pagpapasiya at papalitan ito ng pagsuway at mga pakana ni Satanas na gagamitin upang gambalain ang Aking gawain. Mula roon, maaari Ko kayong hampasin anumang oras. Walang sinumang nakakaunawa sa bigat ng sitwasyong ito; talagang nagbibingi-bingihan lamang ang mga tao sa naririnig nila, at hindi man lamang sila nag-iingat. Hindi Ko naaalala ang ginawa noong araw; talaga bang naghihintay ka pa ring maging maluwag Ako sa iyo sa pamamagitan ng minsan pang “paglimot”? Bagama’t tinutulan na Ako ng mga tao, hindi Ko sila sisisihin, sapagkat napakaliit ng kanilang tayog, kaya nga hindi Ako gumagawa ng napakatataas na kahilingan sa kanila. Ang tanging hinihiling Ko ay huwag silang magpakasama, at na magpasakop sila sa pagsaway. Siguradong hindi ito lampas sa inyong kakayahang tumugon sa isang kundisyong ito, hindi ba? Karamihan sa mga tao ay naghihintay na magbunyag Ako ng mas marami pang hiwaga para pagpiyestahan ng kanilang mga mata. Gayunman, kahit naunawaan mo na ang lahat ng hiwaga ng langit, ano talaga ang maaari mong gawin sa kaalamang iyon? Madaragdagan ba nito ang iyong pagmamahal sa Akin? Mapupukaw ba nito ang iyong pagmamahal sa Akin? Hindi Ko minamaliit ang mga tao, ni hindi Ko sila basta-basta hinahatulan. Kung hindi ganito ang aktwal na sitwasyon ng mga tao, hindi Ko sila kailanman basta puputungan ng gayong mga katawagan. Gunitain ninyo ang nakaraan: Ilang beses Ko na ba kayo siniraan? Ilang beses Ko na ba kayo minaliit? Ilang beses Ko na ba kayo tiningnan nang hindi pinapansin ang inyong aktwal na sitwasyon? Ilang beses na ba nabigo ang Aking mga pagbigkas na akitin kayo nang buong puso? Ilang beses na ba Ako nagsalita nang hindi naaantig ang inyong damdamin? Sino sa inyo ang nakabasa na ng Aking mga salita nang walang takot at panginginig, na nahihintakutan na isasadlak Ko kayo sa walang-hanggang kalaliman? Sino ang hindi nagtitiis ng mga pagsubok mula sa Aking mga salita? Sa loob ng Aking mga pagbigkas ay naroon ang awtoridad, ngunit hindi ito para maglapat ng kaswal na paghatol sa mga tao; sa halip, nasasaisip ang kanilang aktwal na mga kalagayan, palagi Kong ipinapakita sa kanila ang kahulugang likas sa Aking mga salita. Sa katunayan, mayroon bang sinumang may kakayahang kilalanin ang Aking makapangyarihang lakas sa Aking mga salita? Mayroon bang sinumang maaaring tumanggap ng pinakadalisay na ginto kung saan gawa ang Aking mga salita? Ilang salita na ba ang Aking nasambit? Mayroon na bang sinumang nagpahalaga sa mga ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 10
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 366
Araw-araw Kong inoobserbahan ang buong sansinukob, at mapagpakumbaba Kong itinatago ang Aking Sarili sa Aking tirahan, dinaranas ang buhay ng tao at pinag-aaralang mabuti ang bawat gawa ng sangkatauhan. Kailanma’y walang sinumang tunay na nag-alay ng kanilang sarili sa Akin; kailanma’y walang sinumang nagsikap na matamo ang katotohanan. Kailanma’y walang sinumang naging seryoso sa Akin o gumawa ng mga pagpapasiya sa Aking harapan at pagkatapos ay tumupad sa kanilang tungkulin. Kailanma’y walang sinumang nagtulot na manahan Ako sa kanila, ni nagpahalaga sa Akin na tulad ng pagpapahalaga ng mga tao sa sarili nilang buhay. Kailanma’y walang sinumang nakakita, sa praktikal na realidad, sa Aking buong pagka-Diyos; kailanma’y walang sinumang naging handang makipag-ugnayan sa praktikal na Diyos Mismo. Kapag nilalamon nang buung-buo ng mga tubig ang mga tao, inililigtas Ko sila mula sa mga tubig na iyon na hindi dumadaloy at binibigyan sila ng pagkakataong mabuhay na muli. Kapag nawawala ang kumpiyansa ng mga tao na mabuhay, inaahon Ko sila mula sa bingit ng kamatayan, pinagkakalooban sila ng lakas ng loob na magpatuloy sa buhay upang magamit nila Ako bilang pundasyon ng kanilang pag-iral. Kapag sinusuway Ako ng mga tao, nagpapakilala Ako sa kanila mula sa kanilang pagsuway. Dahil sa dating likas na pagkatao ng sangkatauhan, at dahil sa Aking awa, sa halip na ipapatay ang mga tao, tinutulutan Ko silang magsisi at magsimulang muli. Kapag nagdaranas sila ng taggutom, bagama’t isang hininga na lamang ang natitira sa kanilang katawan, inaagaw Ko sila mula sa kamatayan, pinipigilan silang mahulog sa bitag ng panlilinlang ni Satanas. Napakaraming beses nang nakita ng mga tao ang Aking kamay, napakaraming beses na nilang nasaksihan ang Aking mabait na mukha at nakangiting mukha, at napakaraming beses na nilang nakita ang Aking kamahalan at poot. Bagama’t hindi Ako nakilala ng sangkatauhan kailanman, hindi Ko sinasamantala ang kanilang kahinaan bilang mga pagkakataon na sadyang galitin sila. Sa pagdanas ng mga paghihirap ng sangkatauhan, nagawa Kong makiramay sa kahinaan ng tao. Tumutugon lamang Ako sa pagsuway at kawalan ng utang-na-loob ng mga tao kaya Ako nagpapatupad ng iba-ibang antas ng mga pagkastigo.
Itinatago Ko ang Aking Sarili kapag abala ang mga tao, at inihahayag Ko ang Aking Sarili sa libreng oras nila. Iniisip ng mga tao na alam Ko ang lahat ng bagay; itinuturing nila Ako bilang Diyos Mismo na sumasang-ayon sa lahat ng pagsusumamo. Sa gayon, humaharap sa Akin ang karamihan para lamang humingi ng tulong ng Diyos, hindi dahil hangad nilang makilala Ako. Kapag namimilipit sa tindi ng karamdaman, nagsusumamo kaagad ang mga tao para sa Aking tulong. Sa oras ng kagipitan, ipinagtatapat nila sa Akin ang kanilang mga paghihirap nang kanilang buong kakayahan, upang mas maibsan ang kanilang pagdurusa. Gayunman, walang isa mang tao na nagawang mahalin din Ako habang nagiginhawahan; walang isa mang tao na lumapit sa mga panahon ng kapayapaan at kaligayahan, upang makabahagi Ako sa kanilang kagalakan. Kapag masaya at malusog ang kanilang maliliit na pamilya, matagal na Akong isinantabi o pinagsarhan ng pinto ng mga tao, na pumipigil sa Akin na pumasok upang matamasa nila ang pinagpalang kaligayahan ng kanilang pamilya. Napakakitid ng isip ng tao; napakakitid para tanggapin man lamang ang isang Diyos na mapagmahal, maawain, at madaling lapitan na katulad Ko. Napakaraming beses na Akong tinanggihan ng mga tao sa mga panahon ng kanilang masayang tawanan; napakaraming beses na Akong sinandigan ng mga tao bilang isang saklay nang matisod sila; napakaraming beses na Akong napilitang maging doktor ng mga taong naghihirap sa karamdaman. Napakalupit ng mga tao! Lubos silang hindi makatwiran at imoral. Kahit ang mga damdaming dapat sana’y mayroon ang mga tao ay hindi madama sa kanila; halos ganap silang walang anumang bakas ng pagkatao. Pagnilayan ang nakaraan, at ikumpara ito sa kasalukuyan: Mayroon bang mga pagbabagong nangyayari sa inyong kalooban? Naiwaksi mo na ba ang ilan sa mga bagay mula sa iyong nakaraan? O kailangan pa bang palitan ang nakaraang iyon?
Nagpabalik-balik na Ako sa mga bulubundukin at lambak ng ilog, na nagdaranas ng mga tagumpay at kabiguan ng mundo ng mga tao. Nakagala na Ako na kasama sila, at namuhay na Ako nang maraming taon na kasama sila, subalit mukhang napakaliit ng ipinagbago ng disposisyon ng sangkatauhan. At parang nag-ugat na at umusbong ang dating likas na pagkatao ng mga tao sa kanila. Hindi nila kailanman nagawang baguhin ang dating likas na pagkataong iyon; pinabubuti lamang nila iyon kahit paano mula sa orihinal nitong pundasyon. Tulad ng sinasabi ng mga tao, hindi nagbago ang kakanyahan, ngunit nagbago nang husto ang anyo. Tila tinatangka Akong lokohin at silawin ng lahat ng tao, upang makalusot sila at makamit ang Aking pagpapahalaga. Hindi Ko hinahangaan ni pinapansin ang mga panlilinlang ng tao. Sa halip na magsiklab sa galit, nakatingin lamang Ako ngunit wala Akong nakikita. Plano Kong gawaran ng isang tiyak na antas ng kaluwagan ang sangkatauhan at, pagkaraan nito, sama-samang pakitunguhan ang lahat ng tao. Dahil mga walang silbi na kalunos-lunos ang lahat ng tao na hindi mahal ang kanilang sarili, at hindi man lamang itinatangi ang kanilang sarili, kung gayon, bakit pa nila kakailanganin na magpakita Akong muli ng awa at pagmamahal? Walang eksepsyon, hindi kilala ng mga tao ang kanilang sarili, ni hindi nila alam kung gaano sila kahalaga. Dapat nilang timbangin ang kanilang sarili. Hindi Ako pinakikinggan ng mga tao, kaya hindi Ko rin sila sineseryoso. Hindi nila Ako pinapansin, kaya hindi Ko rin kailangang higit pang magpakapagod sa kanila. Hindi ba ito ang pinakamasaya sa dalawang sitwasyong ito? Hindi ba kayo inilalarawan nito, Aking mga tao? Sino na sa inyo ang nakagawa ng pagpapasiya sa Aking harapan at hindi iwinaksi ang mga ito pagkatapos? Sino na ang nakagawa ng pangmatagalang mga pagpapasiya sa Aking harapan sa halip na madalas na itakda ang kanilang isipan sa mga bagay-bagay? Noon pa man, gumagawa na ang mga tao ng mga pagpapasiya sa Aking harapan sa mga panahon ng kaluwagan, at pagkatapos ay binabawing lahat ang mga ito sa mga panahon ng kagipitan; pagkatapos, kalaunan, muli nilang binubuhay ang kanilang pagpapasiya at inilalahad iyon sa Aking harapan. Lubha ba Akong hindi kagalang-galang para basta Ko na lamang tanggapin ang basurang ito na napulot ng sangkatauhan mula sa tambakan ng basura? Kakaunting tao ang kumakapit sa kanilang mga pagpapasya, kakaunti ang walang sala, at kakaunti ang nag-aalay ng mga bagay na pinakamahalaga sa kanila bilang sakripisyo sa Akin. Hindi ba ganoon kayong lahat? Kung hindi ninyo matupad ang inyong mga tungkulin bilang mga miyembro ng Aking mga tao sa kaharian, kamumuhian at tatanggihan Ko kayo!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 14
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 367
Ang mga tao ay pawang mga nilalang na hindi kilala ang sarili, at hindi nila kayang makilala ang kanilang sarili. Magkagayunman, kilala nila ang lahat ng iba pa na gaya ng likod ng kanilang mga kamay, na para bang lahat ng nagawa at nasabi ng iba ay “nasuri” na muna nila, sa harap nila mismo, at tumanggap ng kanyang pagsang-ayon bago isinagawa. Dahil dito, para bang nakuha pa nila ang buong sukat ng lahat ng iba pa, hanggang sa kalagayan ng kanilang isipan. Ganito ang lahat ng tao. Kahit nakapasok na sila sa Kapanahunan ng Kaharian ngayon, nananatiling walang pagbabago ang kanilang likas na pagkatao. Ginagawa pa rin nila ang Aking ginagawa sa Aking harapan, samantalang sa Aking likuran ay nagsisimula silang gumawa ng kanilang sariling kakaibang “kalakal.” Gayunman, pagkatapos nito, kapag humaharap sila sa Akin, parang ganap na ibang tao na sila, mukhang panatag at walang kinatatakutan, tiwasay ang mukha at matatag ang pulso. Hindi ba ito mismo ang dahilan kaya lubhang kasuklam-suklam ang mga tao? Napakaraming taong nagpapakita ng dalawang ganap na magkaibang mukha—ang isa habang nasa Aking harapan, at ang isa naman habang nasa Aking likuran. Napakarami sa kanila ang umaaktong parang mga bagong-silang na cordero kapag nasa Aking harapan, ngunit kapag nasa Aking likuran, nagiging mababangis silang tigre at kalaunan ay umaaktong parang maliliit na ibon na masayang lumilipad-lipad sa kaburulan. Napakaraming nagpapakita ng layunin at matibay na pagpapasya sa Aking harapan. Napakaraming humaharap sa Akin na hinahanap ang Aking mga salita nang may pagkauhaw at pananabik, ngunit kapag nasa Aking likuran, kinasusuyaan at inaayawan nila ang mga ito, na para bang pabigat ang Aking mga salita. Napakaraming beses, pagkakita Ko na ginawang tiwali ng Aking kaaway ang lahi ng tao, nawalan na Ako ng pag-asa sa mga tao. Napakaraming beses, nang makita Ko sila sa Aking harapan, na luhaang humihingi ng tawad, magkagayunman, dahil sa kawalan nila ng paggalang sa sarili at sa katigasan ng kanilang ulo, sa galit ay ipinikit Ko na ang Aking mga mata sa kanilang mga kilos, kahit wagas ang kanilang puso at tapat ang kanilang mga layon. Napakaraming beses, nakita Ko na ang mga tao na sapat ang tiwalang makipagtulungan sa Akin, na, kapag nasa Aking harapan, tila yakap-yakap Ko, na tinitikman ang init nito. Napakaraming beses, nang masaksikan Ko ang kawalang-malay, sigla, at pagiging kaibig-ibig ng mga taong Aking hinirang, paanong hindi Akong lubhang masisiyahan dahil sa mga bagay na ito? Hindi alam ng mga tao kung paano tamasahin ang kanilang itinakdang mga pagpapala sa Aking mga kamay, sapagkat hindi nila nauunawaan kung ano talaga ang kahulugan kapwa ng “mga pagpapala” at “pagdurusa.” Dahil dito, malayong maging tapat ang mga tao sa kanilang paghahanap sa Akin. Kung walang bukas, sino sa inyo na nakatayo sa Aking harapan ang magiging dalisay na katulad ng pinaspas na niyebe at walang-dungis na katulad ng jade? Maaari kayang ang inyong pagmamahal sa Akin ay isang bagay lamang na maaaring ipagpalit sa masarap na pagkain, magarang kasuotan, o mataas na katungkulan na may napakalaking suweldo? Maipagpapalit ba ito sa pagmamahal sa iyo ng iba? Maaari kaya na ang pagdaan sa mga pagsubok ay magtutulak sa mga tao na talikuran ang pagmamahal nila sa Akin? Magrereklamo kaya sila tungkol sa Aking mga plano dahil sa pagdurusa at mga kapighatian? Wala pang sinuman talagang nagpahalaga sa matalim na espadang nasa Aking bibig: Alam lamang nila ang mababaw na kahulugan nito nang hindi talaga iniintindi kung ano ang kinakailangan nito. Kung talagang nakikita ng mga tao ang talim ng Aking espada, magtatakbuhan sila na parang mga daga patungo sa kanilang mga lungga. Dahil sa kanilang pagkamanhid, walang nauunawaan ang mga tao sa totoong kahulugan ng Aking mga salita, kaya nga wala silang kaalam-alam kung gaano nakakatakot ang Aking mga pagbigkas o kung gaano talaga ang nabubunyag sa likas na pagkatao ng tao at kung gaano na sa kanilang sariling katiwalian ang nahatulan ng mga salitang iyon. Dahil dito, bilang resulta ng kanilang hilaw na mga ideya tungkol sa Aking sinasabi, nanlamig na ang damdamin ng karamihan sa mga tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 15
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 368
Sa paglipas ng mga kapanahunan, marami nang lumisan sa mundong ito sa kabiguan, at nang may pag-aatubili, at marami ang nakapasok dito na may pag-asa at pananampalataya. Naiplano Ko nang dumating ang marami, at naitaboy Ko na ang marami. Napakaraming taong nagdaan sa Aking mga kamay. Maraming espiritu ang naitapon sa Hades, marami ang namuhay sa katawang-tao, at marami ang namatay at muling isinilang sa mundo. Subalit kailanman ay walang sinuman sa kanila ang nagkaroon ng pagkakataong matamasa ang mga pagpapala ng kaharian ngayon. Napakarami Ko nang naibigay sa tao, subalit kakatiting ang kanyang natamo, sapagkat ang pagsalakay ng mga puwersa ni Satanas ay naiwan siya na walang kakayahang tamasahin ang lahat ng Aking yaman. Naging mapalad lamang siyang matingnan ang mga ito, ngunit hindi niya lubos na natamasa ang mga ito kailanman. Hindi natuklasan ng tao kailanman ang kabang-yaman sa kanyang katawan upang matanggap ang mga yaman ng langit, kaya nawala sa kanya ang mga pagpapalang naipagkaloob Ko sa kanya. Hindi ba ang espiritu ng tao ang kakayahan mismo na nag-uugnay sa kanya sa Aking Espiritu? Bakit hindi nakipag-ugnayan ang tao sa Akin kailanman sa kanyang espiritu? Bakit siya lumalapit sa Akin sa katawang-tao, subalit hindi niya kayang gawin ito sa espiritu? Mukha ba ng katawang-tao ang tunay Kong mukha? Bakit hindi alam ng tao ang Aking diwa? Talaga bang hindi Ako nagkaroon ng anumang bakas kailanman sa espiritu ng tao? Ganap na ba Akong naglaho mula sa espiritu ng tao? Kung hindi papasok ang tao sa espirituwal na dako, paano niya maiintindihan ang Aking mga layon? Sa mga mata ng tao, mayroon bang direktang makakatagos sa espirituwal na dako? Maraming pagkakataon na nanawagan Ako sa tao sa pamamagitan ng Aking Espiritu, subalit kumikilos ang tao na para bang natusok Ko siya, sinisipat Ako mula sa malayo, sa malaking takot na baka akayin Ko siya tungo sa ibang mundo. Maraming pagkakataon na nagtanong Ako sa espiritu ng tao, subalit nananatili siyang lubos na malilimutin, na may malaking takot na papasok Ako sa kanyang tahanan at sasamantalahin Ko ang pagkakataon para alisin sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian. Sa gayon, pinagsasarhan niya Ako sa labas, iniiwan Akong nakaharap sa kawalan maliban sa isang malamig at mahigpit-na-nakasarang pinto. Maraming pagkakataong bumagsak na ang tao at nailigtas Ko siya, subalit pagkagising ay agad niya Akong iniiwan at, dahil hindi naantig ng Aking pagmamahal, maingat Akong sinusulyapan; hindi Ko kailanman napainit ang puso ng tao. Ang tao ay isang walang-damdamin at malupit na hayop. Kahit napapainit siya ng Aking yakap, hindi siya lubhang naantig nito kailanman. Ang tao ay parang isang taong-bundok. Hindi niya pinahalagahan kailanman ang Aking buong pagmamahal sa sangkatauhan. Ayaw niya Akong lapitan, mas gusto niyang manahan sa kabundukan, kung saan tinitiis niya ang banta ng mababangis na hayop—subalit ayaw pa rin niya Akong gawing kanlungan. Hindi ko pinipilit ang sinumang tao: Ginagawa Ko lamang ang Aking gawain. Darating ang araw na lalangoy ang tao patungo sa Aking tabi mula sa kalagitnaan ng malawak na karagatan, upang matamasa niya ang lahat ng yaman sa mundo at iwan ang panganib na lamunin ng dagat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 20
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 369
Maraming taong nais Akong mahalin nang tapat, ngunit dahil hindi nila pag-aari ang kanilang puso, wala silang kontrol sa kanilang sarili; maraming taong totoong nagmamahal sa Akin habang nararanasan nila ang mga pagsubok na bigay Ko, subalit wala silang kakayahang unawain na talagang umiiral Ako, at minamahal lamang Ako sa kahungkagan, at hindi dahil sa Aking aktwal na pag-iral; maraming taong nag-aalay ng kanilang puso sa Aking harapan at pagkatapos ay hindi nila pinapansin ang kanilang puso, at sa gayon ay inaagaw ni Satanas ang kanilang puso tuwing may pagkakataon ito, at pagkatapos ay tinatalikuran nila Ako; maraming tao ang tunay na nagmamahal sa Akin kapag ibinibigay Ko ang Aking mga salita, subalit hindi itinatangi ang Aking mga salita sa kanilang espiritu, sa halip ay kaswal nilang ginagamit ang mga ito na parang pag-aari ng publiko at inihahagis ang mga ito pabalik sa pinanggalingan ng mga ito kung kailan nila gusto. Hinahanap Ako ng tao sa gitna ng pasakit, at bumabaling siya sa Akin sa mga oras ng pagsubok. Sa mga panahon ng kapayapaan ay nasisiyahan siya sa Akin, kapag nasa panganib ay ikinakaila niya Ako, kapag abala ay kinalilimutan niya Ako, at kapag hindi siya abala ay gumagawa siya nang hindi nag-iisip para sa Akin—subalit walang sinuman kailanman na nagmahal sa Akin habambuhay nila. Nais Ko sanang maging taimtim ang tao sa Aking harapan: Hindi Ko hinihiling na bigyan niya Ako ng anuman, kundi na seryosohin lamang Ako ng lahat ng tao, na, sa halip na bolahin Ako, tinutulutan nila Akong ibalik ang katapatan ng tao. Laganap sa lahat ng tao ang Aking kaliwanagan, pagpapalinaw, at halaga ng Aking mga pagsisikap, subalit laganap din sa lahat ng tao ang tunay na katotohanan ng bawat kilos ng tao, tulad ng kanilang panlilinlang sa Akin. Para bang ang mga sangkap ng panlilinlang ng tao ay nasa kanya na mula pa sa sinapupunan, na parang taglay na niya ang mga natatanging kasanayan sa pandaraya mula nang isilang. Bukod pa riyan, hindi niya kailanman ibinunyag ang plano; walang sinumang nakaaninag sa ugat ng mga kasanayang ito sa pandaraya. Dahil dito, nabubuhay ang tao sa gitna ng panlilinlang nang hindi ito namamalayan, at parang pinatatawad niya ang kanyang sarili, parang ito ang mga plano ng Diyos sa halip na kanyang sadyang panlilinlang sa Akin. Hindi ba ito mismo ang pinagmulan ng panlilinlang ng tao sa Akin? Hindi ba ito ang kanyang tusong pakana? Hindi Ako nalito kailanman ng mga pambobola at panlilinlang ng tao, sapagkat matagal Ko nang napagtanto ang kanyang diwa. Sino ang nakakaalam kung gaano karumi ang nasa kanyang dugo, at kung gaano karami ang kamandag ni Satanas na nasa utak ng kanyang buto? Lalo iyong nakakasanayan ng tao sa bawat araw na lumilipas, kaya hindi na niya nadarama ang pinsalang dulot ni Satanas, at sa gayon ay wala siyang interes na alamin ang “sining ng malusog na pamumuhay.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 21
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 370
Nabubuhay ang tao sa gitna ng liwanag, subalit hindi niya namamalayan ang kahalagahan ng liwanag. Wala siyang alam tungkol sa diwa ng liwanag, at sa pinagmumulan ng liwanag, at, bukod pa riyan, kung kanino ang liwanag na ito. Kapag ipinagkakaloob Ko ang liwanag sa tao, agad Kong sinusuri ang mga kundisyon ng tao: Dahil sa liwanag, lahat ng tao ay nagbabago at lumalago, at nilisan na ang kadiliman. Tinitingnan Ko ang bawat sulok ng sansinukob, at nakikita Ko na ang kabundukan ay nakabalot sa hamog, na ang mga tubig ay nagyelo na sa gitna ng lamig, at na, dahil sa pagdating ng liwanag, tumitingin ang mga tao sa Silangan, na nagbabaka-sakaling makatuklas pa ng isang bagay na mas mahalaga—subalit ang tao ay hindi pa rin makahiwatig ng malinaw na direksyon sa loob ng hamog. Dahil nalulukuban ng hamog ang buong mundo, kapag tumitingin Ako mula sa mga ulap, walang taong nakatutuklas sa Aking pag-iral kailanman. May hinahanap na isang bagay ang tao sa lupa; tila mayroon siyang sinisiyasat; mukhang layon niyang hintayin ang Aking pagdating—subalit hindi niya alam ang Aking araw, at makakatingin lamang siya nang madalas sa kislap ng liwanag sa Silangan. Sa lahat ng tao, hinahanap Ko yaong mga tunay na nakaayon sa Aking sariling puso. Nabubuhay Ako sa piling ng lahat ng tao, at naninirahan sa piling ng lahat ng tao, ngunit ligtas at matiwasay ang tao sa lupa, kaya nga walang sinumang tunay na nakaayon sa Aking sariling puso. Hindi alam ng mga tao kung paano magmalasakit sa Aking kalooban, hindi nila makita ang Aking mga kilos, at hindi sila makagalaw sa loob ng liwanag at masinagan ng liwanag. Bagama’t palaging pinahahalagahan ng tao ang Aking mga salita, wala siyang kakayahang maaninag ang mapanlinlang na mga pakana ni Satanas; dahil ang tayog ng tao ay napakababa, hindi niya magawa ang minimithi ng kanyang puso. Hindi Ako tapat na minahal ng tao kailanman. Kapag itinataas Ko siya, pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat, ngunit hindi niya sinusubukang palugurin Ako dahil dito. Hawak lamang niya ang “katayuan” na naibigay Ko sa kanyang mga kamay at sinusuri ito; hindi nadarama ang Aking pagiging kaibig-ibig, sa halip ay nagpupumilit siyang magpakabundat sa mga pakinabang ng kanyang katayuan. Hindi ba ito ang kakulangan ng tao? Kapag gumagalaw ang mga bundok, maaari ba silang lumihis ng daan para sa kapakanan ng iyong katayuan? Kapag dumadaloy ang mga tubig, maaari bang huminto ang mga ito sa harap ng katayuan ng tao? Mababaligtad ba ng katayuan ng tao ang kalangitan at ang lupa? Minsan Akong naging maawain sa tao, nang paulit-ulit—subalit walang sinumang nagmamahal o nagpapahalaga rito. Pinakinggan lamang nila ito bilang isang kuwento, o binasa ito bilang isang nobela. Hindi ba talaga naaantig ng Aking mga salita ang puso ng tao? Talaga bang walang bisa ang Aking mga pagbigkas? Maaari kayang walang sinumang naniniwala sa Aking pag-iral? Hindi mahal ng tao ang kanyang sarili; sa halip, nakikiisa siya kay Satanas para lusubin Ako, at ginagamit si Satanas bilang isang “pag-aari” upang paglingkuran Ako. Papasukin Ko ang lahat ng mapanlinlang na mga pakana ni Satanas, at pipigilan ang mga tao sa lupa na tanggapin ang mga panlilinlang ni Satanas, upang hindi sila kumalaban sa Akin dahil sa pag-iral nito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 22
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 371
Sa Aking paningin, ang tao ang namumuno sa lahat ng bagay. Hindi kakatiting ang ibinigay Kong awtoridad sa kanya, na nagtutulot sa kanya na pamahalaan ang lahat ng bagay sa lupa—ang damo sa kabundukan, ang mga hayop sa kagubatan, at ang mga isda sa tubig. Subalit sa halip na maging masaya dahil dito, nabalisa ang tao. Ang buong buhay niya ay may dalamhati at pagmamadali, may sayang idinagdag sa kahungkagan; buong buhay niya ay walang mga bagong imbensyon at likha. Walang sinumang nagagawang ihiwalay ang kanilang sarili mula sa hungkag na buhay na ito, wala pang sinumang nakatuklas ng isang buhay ng may kabuluhan, at wala pang sinumang nakaranas ng tunay na buhay. Bagama’t lahat ng tao ng ngayon ay naninirahan sa ilalim ng Aking nagniningning na liwanag, wala silang alam tungkol sa buhay sa langit. Kung hindi Ako maawain sa tao at hindi Ko inililigtas ang sangkatauhan, walang katuturan ang pagparito ng lahat ng tao, walang kabuluhan ang kanilang buhay sa lupa, at lilisan sila nang walang katuturan, na walang anumang maipagmamalaki. Alam ng lahat ng tao sa bawat relihiyon, bawat sektor ng lipunan, bawat bansa, at bawat denominasyon ang kahungkagan sa lupa, at lahat sila ay naghahanap sa Akin at naghihintay sa Aking pagbalik—subalit sino ang may kakayahang makilala Ako sa Aking pagdating? Ginawa Ko ang lahat ng bagay, nilikha Ko ang sangkatauhan, at ngayon ay bumaba na Ako sa tao. Gayunman, lumalaban sa Akin ang tao, at naghihiganti sa Akin. Wala bang pakinabang sa tao ang gawaing ginagawa Ko sa kanya? Talaga bang hindi Ko kayang bigyang-kasiyahan ang tao? Bakit Ako tinatanggihan ng tao? Bakit lubhang malamig at walang malasakit ang tao sa Akin? Bakit nababalot ng mga bangkay ang lupa? Ito ba talaga ang kalagayan ng mundo na Aking ginawa para sa tao? Bakit Ko nabigyan ang tao ng walang kapantay na mga kayamanan, subalit mga kamay na walang laman ang iniaalay niya sa Akin? Bakit hindi Ako tunay na minamahal ng tao? Bakit hindi siya humaharap sa Akin kailanman? Talaga bang nabalewala ang lahat ng Aking salita? Naglaho bang parang init mula sa tubig ang Aking mga salita? Bakit ayaw makipagtulungan sa Akin ng tao? Talaga bang ang pagdating ng Aking araw ang sandali ng kamatayan ng tao? Talaga bang maaari Kong wasakin ang tao sa panahong binubuo ang Aking kaharian? Sa panahon ng Aking buong plano ng pamamahala, bakit wala ni isang nakaintindi sa Aking mga layon? Sa halip na mahalin ang mga pagbigkas ng Aking bibig, bakit kinasusuklaman at tinatanggihan ng mga tao ang mga ito? Wala Akong kinokondenang sinuman, kundi pinababalik Ko lamang ang kahinahunan ng mga tao at isinasagawa ang gawaing pagmuni-muni.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 25
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 372
Naranasan na ng mga tao ang Aking kagiliwan, taimtim na Akong pinaglingkuran ng tao, at taimtim nang nagpasakop ang tao sa Aking harapan, na ginagawa ang lahat para sa Akin sa Aking presensya. Subalit hindi ito magawa ng mga tao ngayon; wala silang ginagawa kundi manangis sa kanilang espiritu na para bang naagaw sila ng isang gutom na lobo, at nakakatingin lamang sila sa Akin na walang magawa, na walang-tigil na nananawagan sa Akin. Ngunit sa huli, hindi nila matakasan ang kanilang masamang kalagayan. Naaalala Ko kung paano nangako ang mga tao noong araw sa Aking presensya, na sumusumpa sa langit at lupa sa Aking presensya upang suklian ng kanilang pagmamahal ang Aking kabaitan. Malungkot silang nanangis sa Aking harapan, at ang tunog ng kanilang mga pagtangis ay nakakadurog ng puso, mahirap tiisin. Dahil sa kanilang matibay na pagpapasiya, madalas Kong tulungan ang sangkatauhan. Sa maraming pagkakataon, humarap sa Akin ang mga tao upang magpasakop sa Akin, at mahirap kalimutan ang kanilang kaibig-ibig na paraan. Sa maraming pagkakataon, minahal na nila Ako, na may matibay na katapatan, kahanga-hanga ang kanilang kasigasigan. Sa maraming pagkakataon, minahal na nila Ako hanggang sa punto na isakripisyo nila ang buhay nila mismo, minahal na nila Ako nang higit sa kanilang sarili—at nang makita Ko ang kanilang katapatan, tinanggap Ko na ang kanilang pagmamahal. Sa maraming pagkakataon, inialay na nila ang kanilang sarili sa Aking presensya, alang-alang sa Akin ay hindi sila nabahala sa harap ng kamatayan, at pinalis Ko ang pag-aalala sa kanilang mukha at maingat Kong sinuri ang kanilang kalagayan. Maraming pagkakataon Ko na silang minahal na parang isang natatanging kayamanan, at maraming pagkakataon Ko na silang kinamuhian bilang sarili Kong kaaway. Gayunpaman, hindi pa rin naaarok ng tao ang nasa Aking isipan. Kapag nalulungkot ang mga tao, dumarating Ako upang aliwin sila, at kapag mahina sila, dumarating Ako upang tulungan sila. Kapag naliligaw sila, binibigyan Ko sila ng direksyon. Kapag nananangis sila, pinupunasan Ko ang kanilang mga luha. Ngunit kapag nalulungkot Ako, sino ang makakaaliw sa Akin nang taos-puso? Kapag labis Akong nag-aalala, sino ang nagsasaalang-alang sa Aking damdamin? Kapag nalulungkot Ako, sino ang makakapawi sa sugatan Kong puso? Kapag kailangan Ko ang isang tao, sino ang nagkukusang tumulong sa Akin? Maaari kayang nawala na ang dating saloobin sa Akin ng mga tao, at hindi na ito mabalik kailanman? Bakit wala nang anumang natitira nito sa kanilang alaala? Paano nalimutan ng mga tao ang lahat ng bagay na ito? Hindi kaya lahat ng ito ay dahil ginawang tiwali ng kanyang kaaway ang sangkatauhan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 27
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 373
Nilalang ng Diyos ang sangkatauhan, ngunit kapag pumaparito Siya sa mundo ng tao, hinahangad ng mga tao na labanan Siya at itaboy palayo sa kanilang teritoryo, na para bang kung sino lamang Siyang ulilang palaboy-laboy sa buong mundo, o gaya ng isang taong mundo na walang bansa. Walang sinumang nakadarama na nakakapit sila sa Diyos, walang tunay na nagmamahal sa Kanya, at walang sinumang tumanggap sa Kanyang pagdating. Sa halip, kapag nakikita ang pagdating ng Diyos, tinatakpan ng mga ulap ang masasayang mukha sa dilim sa isang kisap-mata, na parang parating ang isang biglaang bagyo o para bang baka agawin ng Diyos ang kaligayahan ng kanilang pamilya, na parang hindi kailanman napagpala ng Diyos ang mga tao kundi, sa halip, naghatid lamang sa kanila ng kasawian. Samakatuwid, sa isipan ng mga tao, ang Diyos ay hindi isang pagpapala, kundi sa halip ay Isa na laging sumusumpa sa kanila. Dahil dito, hindi Siya pinakikinggan o tinatanggap ng mga tao; palagi silang malamig sa Kanya, at ganito iyon palagi. Dahil nakatanim ang mga bagay na ito sa puso ng mga tao, sinasabi ng Diyos na ang sangkatauhan ay hindi makatwiran at imoral, at na kahit ang mga damdaming dapat sana’y mayroon ang mga tao ay hindi madama sa kanila. Hindi nagpapakita ng anumang konsiderasyon ang mga tao sa damdamin ng Diyos, kundi sa halip ay ginagamit nila ang tinatawag na “pagkamatuwid” upang pakitunguhan ang Diyos. Ganito na sila sa loob ng maraming taon at, dahil dito, sinabi na ng Diyos na hindi pa nagbabago ang kanilang disposisyon. Nagpapakita ito na wala na silang sangkap maliban sa sandakot na balahibo. Masasabi na mga walang-kuwentang walanghiya ang mga tao, sapagkat hindi nila pinahahalagahan ang kanilang sarili. Kung hindi man lamang nila mahal ang kanilang sarili, sa halip ay niyuyurakan nila ang kanilang sarili, hindi ba ito nagpapakita na wala silang kuwenta? Ang sangkatauhan ay parang isang imoral na babae na nakikipaglaro sa kanyang sarili at kusang-loob na ibinibigay ang kanyang sarili sa iba para halayin. Magkagayunman, hindi pa rin alam ng mga tao kung gaano sila kahamak. Nasisiyahan sila sa pagtatrabaho para sa iba o sa pakikipag-usap sa iba, na inilalagay ang kanilang sarili sa ilalim ng kontrol ng iba; hindi ba ito mismo ang karumihan ng sangkatauhan? Bagama’t hindi pa Ako nakaranas ng buhay sa piling ng sangkatauhan, at hindi Ko pa talaga naranasan ang buhay ng tao, nagtamo na Ako ng napakalinaw na pagkaunawa tungkol sa bawat galaw, bawat kilos, bawat salita, at bawat gawang ginagawa ng mga tao. Nagagawa Ko pa ngang ilantad ang mga tao sa kanilang pinakamalalim na kahihiyan, hanggang sa puntong hindi na sila nangangahas na ihayag ang sarili nilang pakikipagsabwatan o bigyang-daan ang kanilang pagnanasa. Tulad ng mga susong umaatras papasok sa bahay ng mga ito, hindi na sila nangangahas na ilantad ang sarili nilang pangit na kalagayan. Dahil hindi kilala ng sangkatauhan ang kanilang sarili, ang pinakamalaki nilang kapintasan ay ang kusang-loob nilang iparada ang kanilang mga alindog sa harap ng iba, na ipinapasikat ang pangit nilang mukha; ito ay isang bagay na lubos na kinamumuhian ng Diyos. Ito ay dahil ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao ay abnormal, at walang normal na pakikipag-kapwa-tao sa pagitan ng mga tao, lalo nang walang normal na relasyon sa pagitan nila at ng Diyos. Napakarami nang nasabi ng Diyos at, sa paggawa nito, ang Kanyang pangunahing layunin ay ang magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao upang maalis nila sa kanilang sarili ang lahat ng idolong nananahan sa kanilang puso. Pagkatapos niyon, maaari nang gumamit ng kapangyarihan ang Diyos sa buong sangkatauhan, at makamit ang layunin ng Kanyang pag-iral sa lupa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 14