Pagkilala sa Gawain ng Diyos I

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 141

Ang malaman ang gawain ng Diyos sa mga panahong ito, halos karaniwan, ay ang malaman kung ano ang pangunahing ministeryo ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, at kung ano ang gagawin Niya sa lupa. Nabanggit Ko na dati sa Aking mga salita na naparito ang Diyos sa lupa (sa mga huling araw) para magtakda ng isang halimbawa bago lumisan. Paano itinatakda ng Diyos ang halimbawang ito? Ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga salita, at sa paggawa at pagsasalita sa buong lupain. Ito ang gawain ng Diyos sa mga huling araw; nagsasalita lamang Siya, para gawing isang mundo ng mga salita ang lupa, upang bawat tao ay matustusan at maliwanagan ng Kanyang mga salita, at upang ang espiritu ng tao ay mapukaw at magkamit ng kalinawan tungkol sa mga pangitain. Sa mga huling araw, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao sa lupa una sa lahat upang magpahayag ng mga salita. Nang pumarito si Jesus, ipinalaganap Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, at isinakatuparan Niya ang gawain ng pagtubos na magpapako sa krus. Winakasan Niya ang Kapanahunan ng Kautusan at tinanggal ang lahat ng luma. Winakasan ng pagdating ni Jesus ang Kapanahunan ng Kautusan at pinasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya; winakasan ng pagdating ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ang Kapanahunan ng Biyaya. Dumating Siya una sa lahat para ipahayag ang Kanyang mga salita, gumamit Siya ng mga salita para gawing perpekto ang tao, tanglawan at liwanagan ang tao, at alisan ng puwang ang malabong Diyos sa puso ng tao. Hindi ito ang yugto ng gawaing ginawa ni Jesus nang Siya ay pumarito. Nang pumarito si Jesus, nagsagawa Siya ng maraming himala, pinagaling Niya ang mga maysakit at pinalayas ang mga demonyo, at ginawa Niya ang gawain ng pagtubos na magpapako sa krus. Bunga nito, sa mga haka-haka ng mga tao, naniniwala sila na ganito dapat ang Diyos. Sapagkat nang pumarito si Jesus, hindi Niya ginawa ang gawaing tanggalin ang larawan ng malabong Diyos sa puso ng tao; nang pumarito Siya, ipinako Siya sa krus, pinagaling Niya ang mga maysakit at pinalayas ang mga demonyo, at ipinalaganap Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit. Sa isang banda, inaalisan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw ang puwang na hawak ng malabong Diyos sa mga haka-haka ng tao, kaya wala na ang larawan ng malabong Diyos sa puso ng tao. Sa pamamagitan ng Kanyang aktwal na mga salita at aktwal na gawain, ang Kanyang paggalaw sa lahat ng lupain, at ang natatanging tunay at normal na gawaing ginagawa Niya sa tao, ipinapaalam Niya sa tao ang realidad ng Diyos, at inaalisan ng puwang ang malabong Diyos sa puso ng tao. Sa isa pang banda, ginagamit ng Diyos ang mga salitang ipinahayag ng Kanyang katawang-tao para gawing ganap ang tao, at maisakatuparan ang lahat ng bagay. Ito ang gawaing isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw.

Ang kailangan ninyong malaman:

1. Ang gawain ng Diyos ay hindi higit sa karaniwan, at hindi ka dapat magkaroon ng mga haka-haka tungkol doon.

2. Kailangan ninyong maunawaan ang pangunahing gawaing gagawin ng Diyos na nagkatawang-tao kaya Siya naparito.

Hindi Siya naparito para pagalingin ang mga maysakit, o palayasin ang mga demonyo, o magsagawa ng mga himala, at hindi Siya naparito para ipalaganap ang ebanghelyo ng pagsisisi, o tubusin aang tao. Iyon ay dahil nagawa na ni Jesus ang gawaing ito, at hindi inuulit ng Diyos ang parehong gawain. Ngayon, naparito ang Diyos para wakasan ang Kapanahunan ng Biyaya at itapon ang lahat ng pagsasagawa ng Kapanahunan ng Biyaya. Naparito ang praktikal na Diyos una sa lahat para ipakita na Siya ay tunay. Nang pumarito si Jesus, nagpahayag Siya ng ilang salita; nagpakita Siya una sa lahat ng himala, nagsagawa ng mga tanda at kababalaghan, at nagpagaling ng mga maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, o kung hindi man ay nagpahayag Siya ng mga propesiya upang makumbinsi ang mga tao at ipakita sa kanila na totoong Siya ang Diyos, at na isa Siyang Diyos na walang kinikilingan. Sa huli, tinapos Niya ang gawaing magpapako sa krus. Ang Diyos ng ngayon ay hindi nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, ni hindi Siya nagpapagaling ng mga maysakit at nagpapalayas ng mga demonyo. Nang pumarito si Jesus, ang gawaing Kanyang ginawa ay kumatawan talaga sa isang bahagi ng Diyos, ngunit sa pagkakataong ito ay naparito ang Diyos para gawin ang yugto ng gawaing kinakailangan, sapagkat hindi inuulit ng Diyos ang iisang gawain; Siya ang Diyos na palaging bago at hindi kailanman naluluma, kaya naman lahat ng nakikita mo ngayon ay ang mga salita at gawain ng praktikal na Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Gawain ng Diyos Ngayon

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 142

Ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ay naparito una sa lahat upang ipahayag ang Kanyang mga salita, ipaliwanag ang lahat ng kinakailangan sa buhay ng tao, ituro ang dapat pasukin ng tao, ipakita sa tao ang mga gawa ng Diyos, at ipakita sa tao ang karunungan, walang-hanggang kapangyarihan, at pagiging kamangha-mangha ng Diyos. Sa pamamagitan ng maraming paraan ng pagsasalita ng Diyos, namamasdan ng tao ang pangingibabaw ng Diyos, ang kalakhan ng Diyos, at, bukod dito, ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Diyos. Nakikita ng tao na ang Diyos ay kataas-taasan, ngunit na Siya ay mapagpakumbaba at tago, at maaaring maging pinakaaba sa lahat. Ang ilan sa Kanyang mga salita ay ipinapahayag mula sa pananaw mismo ng Espiritu, ang ilan ay mula sa pananaw mismo ng tao, at ang ilan ay mula sa pananaw ng pangatlong tao. Dito, makikita na ang paraan ng gawain ng Diyos ay malaki ang pagkakaiba, at sa pamamagitan ng mga salita ay tinutulutan Niyang makita ito ng tao. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay kapwa normal at tunay, at dahil dito ay isinasailalim ang grupo ng mga tao sa mga huling araw sa pinakamatindi sa lahat ng pagsubok. Dahil sa normalidad at realidad ng Diyos, lahat ng tao ay nakapasok sa gitna ng gayong mga pagsubok; nasadlak ang tao sa mga pagsubok ng Diyos dahil sa normalidad at realidad ng Diyos. Noong kapanahunan ni Jesus, walang mga haka-haka o pagsubok. Dahil karamihan sa gawaing ginawa ni Jesus ay umayon sa mga haka-haka ng tao, sinundan Siya ng mga tao, at wala silang mga haka-haka tungkol sa Kanya. Ang mga pagsubok sa ngayon ang pinakamatinding nakaharap ng tao, at kapag sinabi na ang mga taong ito ay nakalabas mula sa malaking kapighatian, ito ang kapighatiang tinutukoy. Ngayon, nagsasalita ang Diyos para matutong manampalataya, magmahal, tumanggap ng pagdurusa, at sumunod ang mga taong ito. Ang mga salitang ipinahayag ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ay ipinahayag alinsunod sa likas na pagkatao at diwa ng tao, ugali ng tao, at dapat pasukin ng tao ngayon. Ang Kanyang mga salita ay kapwa tunay at normal: Hindi Siya nagsasalita tungkol sa kinabukasan, ni hindi Siya lumilingon sa kahapon; nagsasalita lamang Siya tungkol sa dapat pasukin, isagawa, at unawain ngayon. Kung, sa panahon ngayon, may lumitaw na isang tao na kayang magpakita ng mga tanda at kababalaghan, magpalayas ng mga demonyo, magpagaling ng mga maysakit, at magsagawa ng maraming himala, at kung sinasabi ng taong ito na siya si Jesus na naparito, isang huwad ito na gawa ng masasamang espiritung gumagaya kay Jesus. Tandaan ito! Hindi inuulit ng Diyos ang parehong gawain. Nakumpleto na ang yugto ng gawain ni Jesus, at hindi na muling isasagawa ng Diyos ang yugtong iyon ng gawain. Ang gawain ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga haka-haka ng tao; halimbawa, ipinropesiya sa Lumang Tipan ang pagparito ng isang Mesiyas, at ang resulta ng propesiyang ito ay ang pagparito ni Jesus. Dahil nangyari na ito, magiging mali na muling may pumaritong isa pang Mesiyas. Pumarito nang minsan si Jesus, at magiging mali kung paparitong muli si Jesus sa pagkakataong ito. Mayroong isang pangalan para sa bawat kapanahunan, at bawat pangalan ay may paglalarawan ng kapanahunang ito. Sa mga haka-haka ng tao, kailangang laging magpakita ang Diyos ng mga tanda at kababalaghan, kailangang laging magpagaling ng mga maysakit at magpalayas ng mga demonyo, at kailangang laging maging katulad lamang ni Jesus. Subalit sa pagkakataong ito, hindi ganoon ang Diyos. Kung, sa mga huling araw, nagpakita pa rin ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, at nagtaboy pa rin ng mga demonyo at nagpagaling ng mga maysakit—kung gagawin Niya ang ginawa mismo ni Jesus—uulitin ng Diyos ang parehong gawain, at mawawalan ng kabuluhan o halaga ang gawain ni Jesus. Sa gayon, isinasagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain sa bawat kapanahunan. Kapag natapos na ang bawat yugto ng Kanyang gawain, agad itong ginagaya ng masasamang espiritu, at matapos simulang sundan ni Satanas ang mga yapak ng Diyos, nag-iiba ng pamamaraan ang Diyos. Kapag natapos na ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, ginagaya ito ng masasamang espiritu. Kailangang maging malinaw sa iyo ang tungkol dito. Bakit iba ang gawain ng Diyos ngayon sa gawain ni Jesus? Bakit hindi nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, hindi nagpapalayas ng mga demonyo, at hindi nagpapagaling ng mga maysakit ang Diyos ngayon? Kung pareho ang gawain ni Jesus sa gawaing ginawa noong Kapanahunan ng Kautusan, maaari kayang kinatawan na Niya ang Diyos ng Kapanahunan ng Biyaya? Maaari kayang natapos Niya ang gawaing magpapako sa krus? Kung si Jesus, tulad noong Kapanahunan ng Kautusan, ay pumasok sa templo at sinunod ang Sabbath, wala sanang nang-usig sa Kanya at tinanggap sana Siya ng lahat. Kung nagkagayon, maaari kayang naipako Siya sa krus? Natapos kaya Niya ang gawain ng pagtubos? Ano ang magiging kabuluhan kung nagpakita ng mga tanda at kababalaghan ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, tulad ng ginawa ni Jesus? Kung ginagawa ng Diyos ang isa pang bahagi ng Kanyang gawain sa mga huling araw, isang kumakatawan sa bahagi ng Kanyang plano ng pamamahala, saka lamang magkakaroon ang tao ng mas malalim na kaalaman tungkol sa Diyos, at saka lamang matatapos ang plano ng pamamahala ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Gawain ng Diyos Ngayon

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 143

Sa mga huling araw, naparito ang Diyos una sa lahat upang ipahayag ang Kanyang mga salita. Nagpapahayag Siya mula sa pananaw ng Espiritu, mula sa pananaw ng tao, at mula sa pananaw ng pangatlong tao; nagpapahayag Siya sa iba’t ibang paraan, gamit ang isang paraan sa loob ng isang panahon, at ginagamit Niya ang pamamaraan ng pagpapahayag para baguhin ang mga haka-haka ng tao at tanggalin ang larawan ng malabong Diyos sa puso ng tao. Ito ang pangunahing gawaing ginawa ng Diyos. Dahil naniniwala ang tao na naparito ang Diyos para magpagaling ng mga may sakit, magtaboy ng mga demonyo, magsagawa ng mga himala, at magkaloob ng materyal na mga pagpapala sa tao, isinasagawa ng Diyos ang yugtong ito ng gawain—ang gawain ng pagkastigo at paghatol—upang alisin ang gayong mga bagay mula sa mga haka-haka ng tao, upang malaman ng tao ang realidad at normalidad ng Diyos, at upang maalis sa puso niya ang larawan ni Jesus at mapalitan ng panibagong larawan ng Diyos. Sa sandaling tumanda ang larawan ng Diyos sa kalooban ng tao, nagiging isang diyus-diyusan ito. Nang pumarito si Jesus at isagawa ang yugtong iyon ng gawain, hindi Niya kinatawan ang kabuuan ng Diyos. Nagsagawa Siya ng ilang tanda at kababalaghan, nagpahayag ng ilang salita, at sa huli ay ipinako sa krus. Kinatawan Niya ang isang bahagi ng Diyos. Hindi Niya maaaring katawanin ang lahat ng sa Diyos, kundi sa halip ay kinatawan Niya ang Diyos sa paggawa ng isang bahagi ng gawain ng Diyos. Iyon ay dahil napakadakila ng Diyos, at lubhang kamangha-mangha, at hindi Siya maarok, at dahil isang bahagi lamang ng Kanyang gawain ang ginagawa ng Diyos sa bawat kapanahunan. Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa kapanahunang ito una sa lahat ay ang paglalaan ng mga salita para sa buhay ng tao; ang paglalantad ng likas na pagkatao at diwa ng tao, at ang kanyang tiwaling disposisyon, at ang pag-aalis ng mga haka-hakang pangrelihiyon, piyudal na pag-iisip, at lipas na pag-iisip, at ang kaalaman at kultura ng tao ay dapat linisin sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos. Sa mga huling araw, gumagamit ang Diyos ng mga salita, hindi ng mga tanda at kababalaghan, para gawing perpekto ang tao. Ginagamit Niya ang Kanyang mga salita para ilantad ang tao, hatulan ang tao, kastiguhin ang tao, at gawing perpekto ang tao, upang sa mga salita ng Diyos, makikita ng tao ang karunungan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at mauunawaan ang disposisyon ng Diyos, at upang sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, mapagmamasdan ng tao ang mga gawa ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Kautusan, inakay ni Jehova si Moises palabas ng Ehipto gamit ang Kanyang mga salita, at nagpahayag ng ilang salita sa mga Israelita; noon, bahagi ng mga gawa ng Diyos ang ginawang payak, ngunit dahil limitado ang kakayahan ng tao at walang maaaring kumumpleto sa Kanyang kaalaman, patuloy na nagpahayag at gumawa ang Diyos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nakitang muli ng tao ang bahagi ng mga gawa ng Diyos. Nagawang magpakita ni Jesus ng mga tanda at kababalaghan, magpagaling ng mga maysakit at magpalayas ng mga demonyo, at magpapako sa krus, at pagkaraan ng tatlong araw ay nabuhay Siyang mag-uli at nagpakita sa katawang-tao sa harap ng tao. Tungkol sa Diyos, wala nang ibang alam ang tao na higit pa rito. Ang nalalaman ng tao ay kasindami lamang ng ipinakikita ng Diyos sa kanya, at kung wala nang ibang ipapakita ang Diyos sa tao, iyon ang magiging lawak ng limitasyon ng tao sa Diyos. Sa gayon, patuloy na gumagawa ang Diyos, upang mas lumalim ang kaalaman ng tao tungkol sa Kanya, at upang unti-unting malaman ng tao ang diwa ng Diyos. Sa mga huling araw, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita upang gawing perpekto ang tao. Ang iyong tiwaling disposisyon ay ibinubunyag ng mga salita ng Diyos, at ang iyong mga haka-hakang pangrelihiyon ay pinapalitan ng realidad ng Diyos. Ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ay naparito una sa lahat para tuparin ang mga salitang, “ang Salita ay nagkatawang-tao, ang Salita ay dumating sa loob ng katawang-tao, at ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao,” at kung wala kang masusing kaalaman tungkol dito, hindi ka magiging matatag. Sa mga huling araw, layon ng Diyos una sa lahat na magsakatuparan ng isang yugto ng gawain kung saan nagpapakita ang Salita sa katawang-tao, at ito ay isang bahagi ng plano ng pamamahala ng Diyos. Sa gayon, kailangang maging malinaw ang inyong kaalaman; paano man gumagawa ang Diyos, hindi pinahihintulutan ng Diyos na limitahan Siya ng tao. Kung hindi ginawa ng Diyos ang gawaing ito sa mga huling araw, hindi na lalago pa ang kaalaman ng tao tungkol sa Kanya. Malalaman mo lamang na ang Diyos ay maaaring ipako sa krus at maaaring wasakin ang Sodoma, at na si Jesus ay maaaring buhaying muli mula sa mga patay at magpakita kay Pedro…. Ngunit hindi mo sasabihin kailanman na ang mga salita ng Diyos ay maaaring isakatuparan ang lahat, at maaaring lupigin ang tao. Maaari mo lamang ipahayag ang gayong kaalaman sa pamamagitan ng pagdanas ng mga salita ng Diyos, at habang mas maraming gawain ng Diyos ang nararanasan mo, mas masusi ang magiging kaalaman mo sa Kanya. Saka ka lamang titigil sa paglimita sa Diyos ayon sa sarili mong mga haka-haka. Nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng pagdanas ng Kanyang gawain; wala nang ibang tamang paraan para makilala ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Gawain ng Diyos Ngayon

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 144

Ngayon, dapat ay malinawan ninyong lahat na, sa mga huling araw, ang katotohanan una sa lahat na “ang Salita ay nagkatawang-tao” ang isinasakatuparan ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang aktwal na gawain sa lupa, ginagawa Niyang makilala Siya ng tao at makipag-ugnayan sa Kanya, at makita ang Kanyang aktwal na mga gawa. Ginagawa Niya na malinaw na makita ng tao na kaya Niyang magpakita ng mga tanda at kababalaghan at na mayroon ding mga pagkakataon na hindi Niya nagagawa iyon; nakadepende ito sa kapanahunan. Mula rito, makikita mo na may kakayahan ang Diyos na magpakita ng mga tanda at kababalaghan, ngunit sa halip ay binabago Niya ang Kanyang paraan ng paggawa ayon sa gawaing gagawin at ayon sa kapanahunan. Sa kasalukuyang yugto ng gawain, hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan; nagpakita Siya ng ilang tanda at kababalaghan sa kapanahunan ni Jesus dahil iba ang Kanyang gawain sa kapanahunang iyon. Hindi ginagawa ng Diyos ang gawaing iyon ngayon, at naniniwala ang ilang tao na hindi Niya kayang magpakita ng mga tanda at kababalaghan, o kaya ay iniisip nila na kung hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, hindi Siya Diyos. Hindi ba isang kamalian iyan? Kaya ng Diyos na magpakita ng mga tanda at kababalaghan, ngunit gumagawa Siya sa ibang kapanahunan, kaya nga hindi Siya gumagawa ng gayong gawain. Dahil ito ay ibang kapanahunan, at dahil ito ay ibang yugto ng gawain ng Diyos, ang mga gawang ginawang payak ng Diyos ay iba rin. Ang paniniwala ng tao sa Diyos ay hindi paniniwala sa mga tanda at kababalaghan, ni hindi paniniwala sa mga himala, kundi paniniwala sa Kanyang tunay na gawain sa bagong kapanahunan. Nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamaraan ng paggawa ng Diyos, at ang kaalamang ito ay nagbubunga sa tao ng paniniwala sa Diyos, na ibig sabihin, paniniwala sa gawain at mga gawa ng Diyos. Sa yugtong ito ng gawain, nagsasalita lamang ang Diyos. Huwag hintaying makakita ng mga tanda at kababalaghan; wala kang makikitang anuman! Ito ay dahil hindi ka isinilang sa Kapanahunan ng Biyaya. Kung isinilang ka noon, maaaring nakakita ka ng mga tanda at kababalaghan, ngunit isinilang ka sa mga huling araw, kaya nga ang nakikita mo lamang ay ang realidad at normalidad ng Diyos. Huwag mong asahang makita ang kahima-himalang Jesus sa mga huling araw. Nagagawa mo lamang makita ang praktikal na Diyos na nagkatawang-tao, na hindi naiiba sa sinumang normal na tao. Sa bawat kapanahunan, ginagawang payak ng Diyos ang iba’t ibang mga gawa. Sa bawat kapanahunan, ginagawa Niyang payak ang bahagi ng mga gawa ng Diyos, at ang gawain ng bawat kapanahunan ay kumakatawan sa isang bahagi ng disposisyon ng Diyos, at isang bahagi ng mga gawa ng Diyos. Ang mga gawang ginagawa Niyang payak ay iba-iba ayon sa kapanahunan kung saan Siya gumagawa, ngunit lahat ay nagbibigay sa tao ng mas malalim na kaalaman tungkol sa Diyos, isang paniniwala sa Diyos na mas totoo at praktikal. Naniniwala ang tao sa Diyos dahil sa lahat ng gawa ng Diyos, dahil ang Diyos ay lubhang kamangha-mangha, napakadakila, dahil Siya ay makapangyarihan at hindi maarok. Kung naniniwala ka sa Diyos dahil kaya Niyang magsagawa ng mga tanda at kababalaghan at magpagaling ng mga maysakit at magpalayas ng mga demonyo, mali ang pananaw mo, at sasabihin sa iyo ng ilang tao, “Hindi ba nagagawa rin ng masasamang espiritu ang gayong mga bagay?” Hindi ba ito nililito ang larawan ng Diyos sa larawan ni Satanas? Ngayon, ang paniniwala ng tao sa Diyos ay dahil sa Kanyang maraming gawa at sa napakaraming gawaing Kanyang ginagawa at sa maraming paraan ng Kanyang pagpapahayag. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga pahayag para lupigin ang tao at gawin siyang perpekto. Naniniwala ang tao sa Diyos dahil sa Kanyang maraming gawa, hindi dahil sa nakakaya Niyang magpakita ng mga tanda at kababalaghan; nakikilala lamang ng mga tao ang Diyos sa pagsaksi sa Kanyang mga gawa. Sa pag-alam lamang sa aktwal na mga gawa ng Diyos, kung paano Siya gumagawa, anong matatalinong pamamaraan ang ginagamit Niya, paano Siya magsalita, at paano Niya ginagawang perpekto ang tao—sa pag-alam lamang sa mga aspetong ito—maaari mong maintihan ang realidad ng Diyos at maunawaan ang Kanyang disposisyon, na nababatid kung ano ang Kanyang gusto, ano ang Kanyang kinasusuklaman, at paano Siya gumagawa sa tao. Sa pag-unawa sa mga gusto at ayaw ng Diyos, maaari mong malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng positibo at negatibo, at sa pamamagitan ng iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay may pag-unlad sa buhay mo. Sa madaling salita, kailangang magtamo ka ng isang kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, at kailangang ituwid mo ang iyong mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Gawain ng Diyos Ngayon

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 145

Kung paano ka man naghahangad, dapat mong maunawaan, higit sa lahat, ang gawain na ginagawa ng Diyos ngayon, at dapat mong malaman ang kabuluhan ng gawaing ito. Dapat mong maunawaan at malaman kung anong gawain ang dala-dala ng Diyos sa Kanyang pagdating sa mga huling araw, kung anong disposisyon ang hatid Niya, at kung ano ang gagawing ganap sa tao. Kung hindi mo alam o nauunawaan ang gawaing Kanyang gagawin bilang katawang-tao, paano mo mauunawaan ang Kanyang kalooban, at paano ka magiging kaniig Niya? Sa katunayan, hindi masalimuot ang pagiging kaniig ng Diyos, at hindi rin naman payak. Kung kaya ng mga tao na maunawaan itong lubusan at maisagawa ito, nawawala ang pagkamasalimuot nito; kung hindi ito kayang maunawaan nang lubusan ng mga tao, higit itong nagiging mahirap, at higit pa riyan, nanganganib na mauwi sa kalabuan ang kanilang paghahangad. Kung sa paghahangad sa Diyos ay walang maging sariling sandigan ang mga tao at hindi nila alam kung anong katotohanan ang dapat panghawakan, nangangahulugan ito na wala silang saligan, kaya’t magiging mahirap para sa kanila ang manindigan. Sa ngayon, napakaraming hindi nakauunawa sa katotohanan, hindi nakakikilala sa kaibhan ng mabuti at masama o nakapagsasabi kung ano ang iibigin o kamumuhian. Ang gayong mga tao ay mahihirapang makapaninindigan. Susi sa paniniwala sa Diyos ang kakayahang isagawa ang katotohanan, mapangalagaan ang kalooban ng Diyos, malaman ang gawain ng Diyos sa tao kapag Siya ay nagkatawang-tao at ang mga prinsipyo na sa pamamagitan ng mga ito ay nagsasalita Siya. Huwag sumunod sa masa. Dapat kang magkaroon ng mga prinsipyo hinggil sa kung ano ang nararapat mong pasukin, at dapat mong panghawakan ang mga ito. Ang mahigpit na paghawak sa mga bagay na yaon sa kalooban mo na dinala ng kaliwanagan ng Diyos ay makatutulong sa iyo. Kung hindi, liliko ka sa isang direksyon ngayon, at bukas naman ay sa ibang direksyon, kailanman ay wala kang makakamit na anumang totoo. Ang pagiging ganito ay walang pakinabang sa iyong buhay. Yaong mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay laging sumusunod sa iba: Kung sinasabi ng mga tao na ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ikaw man ay magsasabi rin na ito ay gawain ng Banal na Espiritu; kung sinasabi ng mga tao na ito ay gawain ng masamang espiritu, mag-aalinlangan ka na rin o sasabihin rin na ito ay gawain ng masamang espiritu. Lagi mong ginagaya ang mga sinasabi ng iba, at hindi mo kayang kumilala mag-isa ng kaibhan ng kahit ano, ni hindi mo kayang mag-isip para sa iyong sarili. Ito ay isang tao na walang paninindigan, na hindi kayang kumilala ng pagkakaiba—ang gayong tao ay walang-halaga at napakasamang tao! Lagi mong inuulit ang mga sinasabi ng iba: Sinasabi ngayon na ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ngunit malamang na balang araw ay may magsasabi na hindi ito gawain ng Banal na Espiritu, na ito sa katunayan ay walang iba kundi mga gawa ng tao—ngunit hindi mo ito mahiwatigan, at kapag nasaksihan mong sinasabi ito ng iba, sinasabi mo rin ang gayong bagay. Ito ay talagang gawain ng Banal na Espiritu, ngunit sinasabi mo na gawain ito ng tao; hindi kaya naging isa ka na sa mga lumalapastangan sa gawain ng Banal na Espiritu? Sa bagay na ito, hindi ba’t sumasalungat ka na sa Diyos dahil hindi mo kayang tukuyin ang pagkakaiba? Marahil, may isang hangal na susulpot isang araw at magsasabing “ito ay gawain ng masamang espiritu,” at kapag narinig mo ang mga salitang ito, hindi mo na alam ang gagawin, at muli kang magagapos sa mga sinasabi ng iba. Tuwing may nagpapasimuno ng ligalig, hindi mo magawang manindigan, at ito ay dahil hindi mo taglay ang katotohanan. Ang paniniwala sa Diyos at paghahangad na makilala ang Diyos ay hindi isang madaling bagay. Hindi ito matatamo sa pagtitipon-tipon lamang at pakikinig sa pangangaral, at hindi ka mapeperpekto sa pamamagitan ng bugso ng damdamin lamang. Dapat mong maranasan, at malaman, at magtaglay ng prinsipyo sa iyong mga pagkilos, at makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag sumailalim ka na sa mga karanasan, makakaya mong kilalanin ang maraming bagay—makakaya mong kilalanin ang pagkakaiba ng mabuti at masama, ng katuwiran at kasamaan, ng kung ano ang sa laman at dugo at kung ano ang sa katotohanan. Dapat mong makilala ang pagkakaiba ng mga bagay na ito, at sa pagsasagawa nito, anuman ang mangyari, hindi ka kailanman maliligaw. Ito lamang ang iyong totoong katayuan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 146

Ang pag-alam sa gawain ng Diyos ay hindi isang simpleng bagay. Dapat na mayroon kang mga pamantayan at layunin sa iyong paghahangad, dapat mong malaman kung paano hanapin ang tunay na daan, at kung paano sukatin kung ito ba ang tunay na daan o hindi, at kung ito ba ay gawain ng Diyos o hindi. Ano ang pinakasaligang prinsipyo sa paghahanap sa tunay na daan? Kailangan mong tingnan kung naroon o wala ang gawain ng Banal na Espiritu sa daang ito, kung ang mga salitang ito ay pagpapahayag o hindi ng katotohanan, sino ang pinatototohanan, at ano ang maidudulot nito sa iyo. Ang pag-alam ng pagkakaiba sa pagitan ng tunay na daan at huwad na daan ay nangangailangan ng ilang aspeto ng batayang kaalaman, na ang pinakasaligan dito ay ang pag-alam kung naroon o wala ang gawain ng Banal na Espiritu. Sapagkat ang diwa ng paniniwala ng mga tao sa Diyos ay ang paniniwala sa Espiritu ng Diyos, at kahit ang paniniwala nila sa Diyos na nagkatawang-tao ay dahil sa ang katawang-tao na ito ay ang pagsasakatawan ng Espiritu ng Diyos, na nangangahulugang ang gayong paniniwala ay paniniwala pa rin sa Espiritu. May mga pagkakaiba sa pagitan ng Espiritu at ng katawang-tao, ngunit dahil ang katawang-tao na ito ay nagmumula sa Espiritu, at siyang Salita na naging tao, sa gayon ang pinaniniwalaan ng tao ay ang likas na diwa pa rin ng Diyos. Kaya’t sa pagkilala kung ito ay ang tunay na daan o hindi, higit sa lahat dapat mong tingnan kung naroon o wala ang gawain ng Banal na Espiritu, at pagkaraan ay dapat mong tingnan kung mayroon o walang katotohanan sa daang ito. Ang katotohanan ang disposisyon sa buhay ng karaniwang pagkatao, na ang ibig sabihin ay yaong hiniling sa tao noong lalangin siya ng Diyos sa pasimula, at ito ay ang sumusunod, ang karaniwang pagkatao sa kabuuan nito (kabilang ang katinuan ng tao, panloob na pananaw, karunungan, at ang batayang kaalaman ng pagiging tao). Ibig sabihin, kailangan mong tingnan kung madadala ba o hindi ng landas na ito ang tao sa buhay ng karaniwang pagkatao, kung ang katotohanan na sinasalita ay kailangan o hindi ayon sa realidad ng karaniwang pagkatao, kung ang katotohanang ito ay praktikal at tunay o hindi, at kung ito ay sadyang napapanahon o hindi. Kung may katotohanan, makakaya nitong pangunahan ang mga tao sa karaniwan at tunay na mga karanasan; higit pa rito, nagiging lalong higit na karaniwan ang mga tao, lubos na nagiging ganap ang kanilang diwa, nagiging lalong higit na maayos ang kanilang buhay sa laman at ang espirituwal na buhay, at nagiging lalong higit na normal ang kanilang mga emosyon. Ito ang ikalawang prinsipyo. May isa pang prinsipyo, at iyan ay kung nadaragdagan ba o hindi ang pagkakilala ng tao sa Diyos, at kung ang pagdanas ng ganoong gawain at katotohanan ay may kakayahan o wala na pumukaw ng pagmamahal sa kanilang loob para sa Diyos, at higit silang mapalapit sa Diyos. Sa ganito masusukat kung ito ang tunay na daan o hindi. Ang pinakasaligan ay kung ang daang ito ay makatotohanan imbes na supernatural, at kung ito ay nakapagkakaloob sa buhay ng tao o hindi. Kung ito ay umaayon sa mga prinsipyong nabanggit, maaaring mabuo ang pagpapasya na ang daang ito ang tunay na daan. Sinasabi Ko ang mga ito hindi upang tanggapin ninyo ang ibang daan sa inyong mga daranasin sa hinaharap, o bilang hula na magkakaroon ng gawain ng isa pang bagong kapanahunan sa hinaharap. Sinasabi Ko ang mga ito upang matiyak ninyo na ang daan ng kasalukuyan ang tunay na daan, upang hindi kayo maging bahagya lamang na nakakatiyak sa inyong paniniwala sa gawain ng kasalukuyan at hindi makayang makamit ang kabatiran tungo rito. Maraming iba pa, na sa kabila ng pagiging tiyak, ay sumusunod pa rin nang may pagkalito; ang gayong katiyakan ay walang kaakibat na prinsipyo, at ang mga ganoong tao ay dapat maalis sa malaon o madali. Kahit yaong mga talagang masigasig sa kanilang pagsunod ay tatlong bahaging nakatitiyak at limang bahaging di-nakatitiyak, na nagpapakitang wala silang saligan. Dahil napakahina ng inyong kakayahan at napakababaw ng inyong saligan, wala kayong pagkaunawa sa pag-iiba-iba. Hindi inuulit ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi Siya gumagawa ng gawaing hindi makatotohanan, hindi Siya nag-aatas ng labis-labis sa tao, at hindi Siya gumagawa ng higit sa pang-unawa ng tao. Ang lahat ng Kanyang ginagawa ay napapaloob sa saklaw ng karaniwang pang-unawa ng tao, at hindi lumalampas sa pang-unawa ng karaniwang pagkatao, at ang Kanyang gawain ay naaayon sa mga karaniwang hinihingi sa tao. Kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ang mga tao ay nagiging lalong higit na karaniwan, at ang kanilang pagkatao ay nagiging lalong higit na karaniwan. Nagkakaroon ng ibayong kaalaman ang mga tao tungkol sa kanilang tiwaling disposisyong malasatanas, at ng diwa ng tao, at nagkakaroon din sila ng higit na pag-asam sa katotohanan. Ang ibig lang sabihin, lumalago nang lumalago ang buhay ng tao, at nakakayanan ng tiwaling disposisyon ng tao ang padagdag nang padagdag na pagbabago—na lahat ay siyang kahulugan ng pagiging buhay ng tao ng Diyos. Kung ang isang daan ay walang kakayahang ihayag ang gayong mga bagay na siyang diwa ng tao, walang kakayahang baguhin ang disposisyon ng tao, at higit pa rito, walang kakayahang dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos o bigyan sila ng tunay na pagkaunawa sa Diyos, at nagiging sanhi pa upang ang kanilang pagkatao ay higit pang maging mababa at ang kanilang katinuan ay higit pang maging hindi karaniwan, ang daang ito, kung gayon, ay hindi ang tunay na daan, at maaaring ito ay gawain ng masamang espiritu, o ang lumang daan. Sa madaling salita, hindi ito ang gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan. Naniwala na kayo sa Diyos sa loob ng mga taong ito, ngunit wala kayong nahihiwatigan sa mga prinsipyo para sa pagkilala sa pagkakaiba ng tunay na daan at huwad na daan o sa paghahanap sa tunay na daan. Karamihan ng mga tao ay hindi man lamang interesado sa ganitong mga bagay; sumusunod lamang sila kung saan pumupunta ang karamihan, at inuulit ang sinasabi ng nakararami. Paanong magiging ito ang tao na naghahanap sa tunay na daan? At paano masusumpungan ng ganoong mga tao ang tunay na daan? Kung inyong mauunawaan ang ilang mga pangunahing prinsipyong ito, hindi kayo malilinlang anuman ang mangyari. Sa ngayon, napakahalagang makaya ng mga tao na malaman ang mga pagkakaiba; ito ang dapat na tinataglay ng karaniwang pagkatao, at ito ang dapat taglayin ng tao sa kanyang karanasan. Kung, hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring naipagkakaiba ang mga tao sa kanilang pagsunod, at ang kanilang pantaong diwa ay hindi pa rin lumago, napakahangal ng mga tao kung gayon, at ang kanilang paghahangad ay mali at lihis. Wala ni bahagya mang pagkakaiba sa iyong paghahangad ngayon, at samantalang ito ay totoo, tulad ng iyong sinasabi, na natagpuan mo na ang tunay na daan, nakamit mo na ba iyon? Nagawa mo na bang makilala ang anumang pagkakaiba? Ano ang diwa ng tunay na daan? Sa tunay na daan, hindi mo nakamit ang tunay na daan; wala kang nakamit na anuman sa katotohanan. Ibig sabihin, hindi mo nakamit ang hinihingi sa iyo ng Diyos, kaya’t wala pa ring pagbabago sa iyong katiwalian. Kung ipagpapatuloy mo ang paghahangad sa ganitong paraan, sa huli ay tiyak na maaalis ka. Dahil nakasunod ka na hanggang sa araw na ito, dapat mong matiyak na ang natahak mo nang daan ay siyang tamang daan, at hindi ka na dapat magkaroon ng mga pagdududa pa. Maraming tao ang laging nag-aalinlangan at humihinto sa paghahangad sa katotohanan dahil sa ilang maliliit na bagay. Ang mga gayong tao ay yaong walang kaalaman sa gawain ng Diyos, sila yaong mga sumusunod sa Diyos nang may pagkalito. Ang mga tao na hindi nakakaalam ng gawain ng Diyos ay walang kakayahang maging mga kaniig Niya, o magbigay-patotoo sa Kanya. Pinapayuhan Ko ang mga naghahanap lamang ng pagpapala at naghahangad lamang sa kung ano ang malabo at mahirap maunawaan na hangarin ang katotohanan sa lalong madaling panahon, upang ang kanilang buhay ay magkaroon ng kabuluhan. Huwag na ninyong linlangin pa ang inyong sarili!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 147

Ang kabuuan ng gawaing isinagawa sa loob ng anim na libong taon ay unti-unti nang nagbago habang nagdaraan ang iba’t ibang panahon. Ang mga pagbabago sa gawaing ito ay naging batay sa kabuuang sitwasyon ng mundo at sa kalakaran sa pag-unlad ng sangkatauhan sa kabuuan; ang gawain ng pamamahala ay unti-unti lamang nagbago alinsunod dito. Hindi ito nakaplanong lahat mula sa simula ng paglikha. Bago nilikha ang mundo, o matapos itong likhain, hindi pa naiplano ni Jehova ang unang yugto ng gawain, ng kautusan; ang pangalawang yugto ng gawain, ng biyaya; o ang pangatlong yugto ng gawain, ang panlulupig, kung saan magsisimula muna Siya sa ilan sa mga inapo ni Moab, at sa pamamagitan nito ay lulupigin Niya ang buong sansinukob. Matapos likhain ang mundo, hindi Niya sinambit kailanman ang mga salitang ito, ni hindi Niya sinambit ang mga ito pagkatapos Niya kay Moab; tunay nga, bago kay Lot, hindi Niya binigkas ang mga ito. Lahat ng gawain ng Diyos ay ginagawa nang kusang-loob. Ganito mismo nabuo ang Kanyang buong anim-na-libong-taong gawain ng pamamahala; hindi Niya isinulat ang gayong plano sa anumang paraan, bago nilikha ang mundo, sa hitsura ng isang bagay na katulad ng “Buong Tsart para sa Pag-unlad ng Sangkatauhan.” Sa gawain ng Diyos, tuwiran Niyang ipinapahayag kung ano Siya; hindi Niya pinahihirapan ang utak Niya sa pagbubuo ng isang plano. Mangyari pa, medyo may ilang propetang nagpahayag ng napakaraming propesiya, ngunit hindi pa rin masasabi na ang gawain ng Diyos ay laging may tumpak na pagpaplano; ang mga propesiyang iyon ay ginawa ayon sa gawain ng Diyos noon. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay ang pinaka-aktwal na gawain. Isinasagawa Niya iyon alinsunod sa pag-unlad ng bawat panahon, at ibinabatay iyon sa kung paano nagbabago ang mga bagay-bagay. Para sa Kanya, ang pagsasagawa ng gawain ay tulad ng pag-aakma ng gamot sa karamdaman; habang ginagawa ang Kanyang gawain, Siya ay nagmamasid, at ipinagpapatuloy Niya ang Kanyang gawain ayon sa Kanyang mga namasdan. Sa bawat yugto ng Kanyang gawain, may kakayahan ang Diyos na ipakita ang Kanyang sapat na karunungan at kakayahan; ipinapakita Niya ang Kanyang saganang karunungan at awtoridad ayon sa gawain ng anumang partikular na kapanahunan, at tinutulutan ang lahat ng taong iyon na Kanyang ibinalik sa kapanahunang iyon upang makita ang Kanyang buong disposisyon. Tinutustusan Niya ang mga pangangailangan ng mga tao alinsunod sa gawaing kailangang gawin sa bawat kapanahunan, ginagawa ang anumang gawaing dapat Niyang gawin. Tinutustusan Niya ang mga pangangailangan ng mga tao batay sa antas na nagawa silang tiwali ni Satanas. Katulad ito ng paraan, nang unang likhain ni Jehova sina Adan at Eba, kung paano Niya iyon ginawa upang maipakita nila ang Diyos sa ibabaw ng lupa at upang makapagbahagi sila ng patotoo sa mga nilikha. Gayunman, nagkasala si Eba matapos tuksuhin ng ahas, at gayundin ang ginawa ni Adan; sa halamanan, pareho nilang kinain ang bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Sa gayon, nagkaroon ng karagdagang gawain si Jehova na isasagawa sa kanila. Nang makita ang kanilang kahubaran, tinakpan Niya ang kanilang katawan ng damit na yari sa mga balat ng hayop. Pagkatapos nito, sinabi Niya kay Adan, “Sapagkat iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na Aking iniutos sa iyo na sinabi, ‘Huwag kang kakain niyaon;’ sumpain ang lupa dahil sa iyo … hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagkat diyan ka kinuha: sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” Sinabi Niya sa babae, “Pararamihin Kong lubha ang iyong kalumbayan at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan; at ang iyong pagnanais ay magiging sa iyong asawa, at siya ang mamamahala sa iyo.” Mula noon, pinalayas Niya sila mula sa Halamanan ng Eden at hinayaan silang mamuhay sa labas nito, tulad ng pamumuhay ngayon ng makabagong tao sa ibabaw ng lupa. Nang likhain ng Diyos ang tao sa pinakasimula, wala Siyang planong hayaan ang tao na tuksuhin ng ahas matapos siyang likhain at pagkatapos ay isumpa ang tao at ang ahas. Wala talaga Siyang ganitong plano; ganoon lamang talaga ang nangyari na nagbigay sa Kanya ng bagong gawaing gagawin sa Kanyang mga nilikha. Matapos maisagawa ni Jehova ang gawaing ito kina Adan at Eba sa ibabaw ng lupa, patuloy na umunlad ang sangkatauhan sa loob ng ilang libong taon, hanggang sa “nakita ni Jehova na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pag-iisip ng kanilang puso ay pawang masama lamang na parati. At nagsisi si Jehova na Kanyang nilalang ang tao sa lupa, at nalumbay sa Kanyang puso. … Datapuwat si Noe ay nakasumpong ng biyaya sa mga mata ni Jehova.” Sa panahong ito nagkaroon ng mas maraming bagong gawaing gagawin si Jehova, sapagkat ang sangkatauhan na Kanyang nilikha ay naging masyadong makasalanan matapos tuksuhin ng ahas. Dahil sa sitwasyong ito, sa buong sangkatauhan, piniling kaawaan ni Jehova ang pamilya ni Noe, at pagkatapos ay isinagawa Niya ang Kanyang gawaing wasakin ang mundo sa pamamagitan ng isang baha. Patuloy na umunlad ang sangkatauhan sa ganitong paraan hanggang sa araw na ito mismo, na lalong nagiging tiwali, at pagdating ng panahon na makarating ang pag-unlad ng tao sa rurok nito, mangangahulugan ito ng katapusan ng sangkatauhan. Mula sa pinakasimula hanggang sa katapusan ng mundo, ganito na at lalaging ganito ang katotohanan sa loob ng Kanyang gawain. Kapareho ito ng paraan kung paano igugrupo ang mga tao ayon sa kanilang uri; malayo ito sa nangyari na bawat isang tao ay itinalaga noon pa man na mabilang sa isang tiyak na kategorya; sa halip, lahat ay unti-unting iginugrupo lamang matapos sumailalim sa isang proseso ng pag-unlad. Sa katapusan, sinumang hindi madala sa ganap na kaligtasan ay ibabalik sa kanilang “mga ninuno.” Walang isa man sa gawain ng Diyos sa sangkatauhan ang naihanda na nang likhain ang mundo; sa halip, ang pag-unlad ng mga bagay-bagay ang nagtulot sa Diyos na isagawa ang Kanyang gawain sa sangkatauhan sa paisa-isang hakbang at sa mas makatotohanan at praktikal na paraan. Halimbawa, hindi nilikha ng Diyos na si Jehova ang ahas upang tuksuhin ang babae; hindi iyon ang partikular Niyang plano, ni hindi iyon isang bagay na sadya Niyang itinalaga. Masasabi ng isang tao na isang pangyayari ito na hindi inaasahan. Sa gayon, ito ang dahilan kaya pinalayas ni Jehova sina Adan at Eba mula sa Halamanan ng Eden at isinumpa na hindi na Siya muling lilikha ng tao kailanman. Gayunman, natutuklasan lamang ng mga tao ang karunungan ng Diyos ayon sa pundasyong ito. Katulad lamang ito ng sinabi Ko kanina: “Ginagamit Ko ang Aking karunungan batay sa mga pakana ni Satanas.” Paano man tumitindi ang katiwalian ng sangkatauhan o paano sila tinutukso ng ahas, mayroon pa ring karunungan si Jehova; sa gayon, naging abala na Siya sa bagong gawain mula nang likhain Niya ang mundo, at wala sa mga hakbang ng gawaing ito ang naulit kailanman. Patuloy na ginagawa ni Satanas ang kanyang mga pakana, palagi nang ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at walang tigil na isinasagawa ng Diyos na si Jehova ang Kanyang matalinong gawain. Hindi Siya nabigo kailanman, ni hindi Siya tumigil sa paggawa kailanman, mula nang likhain ang mundo. Matapos magawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, patuloy na Siyang gumagawa sa kanila upang talunin ito, ang kaaway na pinagmulan ng kanilang katiwalian. Ang labanang ito ay nanalanta na sa simula pa lamang, at magpapatuloy hanggang sa katapusan ng mundo. Sa paggawa ng lahat ng gawaing ito, hindi lamang tinulutan ng Diyos na si Jehova ang mga tao, na nagawang tiwali ni Satanas, na matanggap ang Kanyang dakilang pagliligtas, kundi tinulutan din silang makita ang Kanyang karunungan, pagiging makapangyarihan sa lahat, at awtoridad. Bukod dito, sa huli, hahayaan Niyang makita nila ang Kanyang matuwid na disposisyon—na pinarurusahan ang masasama at ginagantimpalaan ang mabubuti. Nilabanan na Niya si Satanas hanggang sa araw na ito at hindi Siya natalo kailanman. Ito ay dahil Siya ay isang matalinong Diyos, at ginagamit Niya ang Kanyang karunungan batay sa mga pakana ni Satanas. Samakatuwid, hindi lamang ginagawa ng Diyos ang lahat ng nasa langit na magpasakop sa Kanyang awtoridad, kundi napanatili rin Niya ang lahat ng nasa ibabaw ng lupa sa Kanyang paanan at, partikular na, isinasailalim Niya ang masasama na nanghihimasok at nanggugulo sa sangkatauhan sa Kanyang pagkastigo. Ang mga resulta ng lahat ng gawaing ito ay nakamtan dahil sa Kanyang karunungan. Hindi Niya naipakita kailanman ang Kanyang karunungan bago umiral ang sangkatauhan, sapagkat wala Siyang mga kaaway sa langit, sa ibabaw ng lupa, o saanman sa buong sansinukob, at walang mga puwersa ng kadiliman na nanghihimasok sa anuman sa kalikasan. Matapos Siyang ipagkanulo ng arkanghel, nilikha Niya ang sangkatauhan sa ibabaw ng lupa, at dahil sa sangkatauhan kaya Niya pormal na sinimulan ang Kanyang isang-libong-taong pakikidigma kay Satanas, ang arkanghel—isang digmaang lalong umiigting sa bawat sumunod na yugto. Naroon ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat at karunungan sa bawat isa sa mga yugtong ito. Saka lamang nasaksihan ng lahat ng nasa langit at nasa ibabaw ng lupa ang karunungan, pagiging makapangyarihan sa lahat, at, lalo na, ang realidad ng Diyos. Isinasagawa pa rin Niya ang gawain sa ganito ring makatotohanang paraan hanggang sa araw na ito; dagdag pa rito, habang isinasagawa Niya ang Kanyang gawain, ipinapakita rin Niya ang Kanyang karunungan at pagiging makapangyarihan sa lahat. Tinutulutan Niya kayong makita ang katotohanan sa loob ng bawat yugto ng gawain, makita kung paano talaga ipaliwanag ang pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos, at, bukod dito, makita ang isang tiyak na paliwanag tungkol sa realidad ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 148

Ang gawain ng Banal na Espiritu ay palaging ginagawa nang kusang-loob; maipaplano Niya ang Kanyang gawain anumang oras, at maisasagawa ito anumang oras. Bakit Ko ba palaging sinasabi na ang gawain ng Banal na Espiritu ay makatotohanan, at na ito ay palaging bago, hindi kailanman luma, at palaging napakasariwa? Ang Kanyang gawain ay hindi pa naiplano bago nilikha ang mundo; hindi talaga ganoon ang nangyari! Bawat hakbang ng gawain ay natatamo ang tamang epekto nito para sa nauukol na panahon, at ang mga hakbang ay hindi nakakagambala sa isa’t isa. Sa maraming pagkakataon, ang mga planong maaaring nasa isip mo ay hindi talaga mapapantayan ang pinakabagong gawain ng Banal na Espiritu. Ang Kanyang gawain ay hindi kasing-simple ng ikinakatwiran ng tao, ni hindi ito kasing-kumplikado ng iniisip ng tao—ito ay binubuo ng pagtustos sa mga tao anumang oras at saanmang lugar alinsunod sa kanilang mga pangangailangan nang panahong iyon. Walang sinumang mas nalilinawan tungkol sa kakanyahan ng mga tao kaysa sa Kanya, at dahil mismo rito kaya walang umaangkop sa makatotohanang mga pangangailangan ng mga tao na katulad ng Kanyang gawain. Samakatuwid, mula sa pananaw ng isang tao, tila napagplanuhan ang Kanyang gawain nang maaga nang ilang libong taon. Habang Siya ay gumagawa sa inyo ngayon, samantalang gumagawa at nagsasalita habang minamasdan ang inyong mga kalagayan, mayroon Siyang tamang mga salitang sasabihin kapag nasagupa Niya ang bawat isang uri ng kalagayan, na sumasambit ng mga salitang kailangan mismo ng mga tao. Kunin ang unang hakbang ng Kanyang gawain: ang panahon ng pagkastigo. Pagkatapos niyan, isinagawa ng Diyos ang Kanyang gawain batay sa kung ano ang ipinamalas ng mga tao, ang kanilang paghihimagsik, ang mga positibong kalagayan na lumitaw mula sa kanila at ang mga negatibong kalagayan, gayundin ang pinakamababang limitasyon na maaaring kabagsakan ng mga tao kapag umabot sa isang partikular na punto ang mga negatibong kalagayang iyon; at sinamantala Niya ang mga bagay na ito upang magkamit ng mas magandang resulta mula sa Kanyang gawain. Ibig sabihin, gumagawa Siya ng pantulong na gawain sa mga tao batay sa anumang kasalukuyan nilang kalagayan sa anumang oras; isinasagawa Niya ang bawat hakbang ng Kanyang gawain ayon sa aktwal na mga kalagayan ng mga tao. Lahat ng nilikha ay nasa Kanyang mga kamay; paanong hindi Niya sila makikilala? Isinasagawa ng Diyos ang susunod na hakbang ng gawain na dapat gawin, anumang oras at saanmang lugar, alinsunod sa mga kalagayan ng mga tao. Hindi ipinlano ang gawaing ito sa anumang paraan nang maaga nang libu-libong taon; iyan ay isang kuru-kuro ng tao! Gumagawa Siya habang inoobserbahan ang mga epekto ng Kanyang gawain, at patuloy na lumalalim at umuunlad ang Kanyang gawain; sa bawat pagkakataon, matapos obserbahan ang mga resulta ng Kanyang gawain, ipinatutupad Niya ang susunod na hakbang ng Kanyang gawain. Gumagamit Siya ng maraming bagay upang unti-unting lumipat at ipakita sa mga tao ang Kanyang bagong gawain sa paglipas ng panahon. Ang ganitong paraan ng paggawa ay maaaring makatustos sa mga pangangailangan ng mga tao, sapagkat kilalang-kilala ng Diyos ang mga tao. Ganito Niya isinasagawa ang Kanyang gawain mula sa langit. Gayundin, ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain sa parehong paraan, na gumagawa ng mga pagsasaayos at gumagawa sa gitna ng mga tao ayon sa aktwal na mga sitwasyon. Walang isa man sa Kanyang mga gawain ang naiplano bago nilikha ang mundo, ni masusing naiplano nang maaga. Dalawang libong taon matapos likhain ang mundo, nakita ni Jehova na naging labis nang tiwali ang sangkatauhan kaya ginamit Niya ang bibig ng propetang si Isaias upang ibabala iyan, pagkaraang matapos ang Kapanahunan ng Kautusan, isasagawa ni Jehova ang Kanyang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya. Ito ang plano ni Jehova, mangyari pa, ngunit ang planong ito ay ginawa rin ayon sa mga sitwasyong namamasdan Niya noon; siguradong hindi Niya ito inisip kaagad matapos likhain si Adan. Nagpropesiya lamang si Isaias, ngunit hindi gumawa ng maagang mga paghahanda si Jehova para sa gawaing ito noong Kapanahunan ng Kautusan; sa halip, pinasimulan Niya ito sa simula ng Kapanahunan ng Biyaya, nang magpakita ang sugo sa panaginip ni Jose upang siya ay maliwanagan sa mensahe na ang Diyos ay magiging tao, at saka lamang nagsimula ang Kanyang gawain ng pagkakatawang-tao. Hindi nakapaghanda ang Diyos, na tulad ng akala ng iba, para sa Kanyang gawain ng pagkakatawang-tao matapos lamang likhain ang mundo; napagpasyahan lamang iyon batay sa antas ng pag-unlad ng sangkatauhan at sa kalagayan ng Kanyang pakikibaka kay Satanas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 149

Kapag nagiging tao ang Diyos, bumababa ang Kanyang Espiritu sa tao; sa madaling salita, binibihisan ng Espiritu ng Diyos ng pisikal na katawan ang Kanyang sarili. Pumaparito Siya upang gawin ang Kanyang gawain sa ibabaw ng lupa hindi upang magdala Siya ng ilang limitadong hakbang; ang Kanyang gawain ay talagang hindi limitado. Ang gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu sa katawang-tao ay tinutukoy pa rin sa pamamagitan ng mga resulta ng Kanyang gawain, at ginagamit Niya ang gayong mga bagay upang malaman ang haba ng panahon kung kailan gagawin Niya ang gawain habang nasa katawang-tao. Direktang ipinapakita ng Banal na Espiritu ang bawat hakbang ng Kanyang gawain, na sinusuri ang Kanyang gawain habang Siya ay nagpapatuloy; ang gawaing ito ay hindi lubhang higit-sa-karaniwan para hatakin ang mga limitasyon ng imahinasyon ng tao. Katulad ito ng gawain ni Jehova sa paglikha ng langit at lupa at lahat ng bagay; nagplano Siya at gumawa nang sabay. Inihiwalay Niya ang liwanag mula sa kadiliman, at nagkaroon ng umaga at gabi—inabot ito ng isang araw. Sa ikalawang araw, nilikha Niya ang himpapawid, at inabot din iyan ng isang araw; pagkatapos ay nilikha Niya ang lupa, ang karagatan, at lahat ng nilalang na naninirahan doon, na kinailangan ng isa pang araw. Nagpatuloy ito hanggang sa ikaanim na araw, nang likhain ng Diyos ang tao at hinayaan siyang pamahalaan ang lahat ng bagay sa lupa. Pagkatapos, sa ikapitong araw, matapos Niyang likhain ang lahat ng bagay, Siya ay nagpahinga. Pinagpala ng Diyos ang ikapitong araw at itinalaga ito bilang isang banal na araw. Nagpasya lamang Siyang italaga ang banal na araw na ito nang matapos na Siyang likhain ang lahat ng bagay, hindi bago nilikha ang mga ito. Ang gawaing ito ay kusang-loob ding isinagawa; bago nilikha ang lahat ng bagay, hindi pa Siya nakapagpasyang likhain ang mundo sa loob ng anim na araw at pagkatapos ay magpahinga sa ikapito; hindi man lamang ganoon ang totoong nangyari. Wala Siyang sinabing ganoon, ni hindi iyon ang Kanyang plano. Hindi Niya sinabi sa anumang paraan na ang paglikha ng lahat ng bagay ay matatapos sa ikaanim na araw at na Siya ay magpapahinga sa ikapito; sa halip, lumikha Siya ayon sa kung ano ang mabuti sa tingin Niya noon. Nang matapos Niyang likhain ang lahat, ikaanim na araw na. Kung natapos Niyang likhain ang lahat sa ikalimang araw, itatalaga Niyang banal na araw ang ikaanim na araw. Gayunman, talagang natapos Niyang likhain ang lahat sa ikaanim na araw, at sa gayon ay naging banal na araw ang ikapitong araw, na naipasa hanggang sa araw na ito mismo. Samakatuwid, isinasagawa ang Kanyang kasalukuyang gawain sa ganito ring paraan. Nagsasalita Siya at tinutustusan Niya ang lahat ng inyong pangangailangan alinsunod sa inyong sitwasyon. Ibig sabihin, nagsasalita at gumagawa ang Espiritu ayon sa sitwasyon ng mga tao; binabantayan Niya ang lahat at gumagawa Siya anumang oras at saanmang lugar. Yaong Aking ginagawa, sinasabi, inilalagak sa inyo, at ipinagkakaloob sa inyo, nang walang eksepsyon, ay yaong inyong kailangan. Sa gayon, walang isa man sa Aking gawain ang hiwalay sa realidad; totoong lahat ito, sapagkat alam ninyong lahat na “binabantayan ng Espiritu ng Diyos ang lahat.” Kung napagpasyahan na ang lahat ng ito nang maaga, hindi kaya ito masyadong karaniwan at nakakabagot? Iniisip mo na gumawa ng mga plano ang Diyos sa loob ng buong anim na libong taon at itinalaga na ang sangkatauhan noon pa man na maging suwail, palaban, magdaraya at mapanlinlang, at magtaglay ng katiwalian ng laman, isang napakasamang disposisyon, ng pagnanasa ng mga mata, at ng indibiduwal na mga pagpapasasa. Walang isa man dito ang itinalaga noon ng Diyos, kundi sa halip ay nangyaring lahat iyon dahil sa katiwalian ni Satanas. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ba hawak din ng Diyos si Satanas? Itinalaga na ng Diyos na gagawing tiwali ni Satanas ang tao sa ganitong paraan, at pagkatapos niyon, isinagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa tao.” Itatalaga nga ba ng Diyos si Satanas na gawing tiwali ang sangkatauhan? Sabik na sabik lamang ang Diyos na tulutan ang sangkatauhan na mabuhay nang normal, kaya makikialam ba Siya talaga sa buhay nila? Kung gayon, hindi ba magiging walang saysay ang pagsisikap na talunin si Satanas at iligtas ang sangkatauhan? Paano maaaring naitalaga ang pagkasuwail ng sangkatauhan? Isang bagay ito na nangyari dahil sa panghihimasok ni Satanas, kaya paano ito maaaring naitalaga ng Diyos? Ang Satanas na hawak ng Diyos na inaakala ninyo ay ibang-iba sa Satanas na hawak ng Diyos na binabanggit Ko. Ayon sa inyong mga pahayag na “Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at si Satanas ay nasa Kanyang mga kamay,” hindi Siya maaaring ipagkanulo ni Satanas. Hindi ba sabi mo, ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat? Napakahirap unawain ng inyong kaalaman, at malayo sa realidad; hindi kailanman maaarok ng tao ang mga kaisipan ng Diyos, ni hindi maaarok ng tao kailanman ang Kanyang karunungan! Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat; ni hindi man lang ito isang kasinungalingan. Ipinagkanulo ng arkanghel ang Diyos dahil paunang binigyan ito ng Diyos ng isang bahagi ng awtoridad. Siyempre, hindi inaasahan ang pangyayaring ito, tulad noong mahulog si Eba sa tukso ng ahas. Gayunman, paano man isagawa ni Satanas ang pagtataksil nito, hindi pa rin ito makapangyarihan sa lahat na katulad ng Diyos. Tulad ng nasabi ninyo, malakas lamang si Satanas; anuman ang gawin nito, lagi itong matatalo ng awtoridad ng Diyos. Ito ang tunay na kahulugan ng kasabihang, “Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at si Satanas ay nasa Kanyang mga kamay.” Samakatuwid, ang pakikidigma kay Satanas ay kailangang isagawa sa paisa-isang hakbang. Bukod pa riyan, ipinaplano ng Diyos ang Kanyang gawain bilang sagot sa mga pandaraya ni Satanas—ibig sabihin, naghahatid Siya ng kaligtasan sa sangkatauhan at ipinapakita Niya ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat sa isang paraan na akma sa kapanahunan. Gayundin, ang gawain sa mga huling araw ay hindi itinalaga noon pa man, bago ang Kapanahunan ng Biyaya; ang mga pagtatalaga noon pa man ay hindi ginagawa sa gayon kaayos na paraang tulad nito: una, pinagbabago ang panlabas na disposisyon ng tao; pangalawa, isinasailalim ang tao sa Kanyang pagkastigo at mga pagsubok; pangatlo, pinagdaranas ang tao ng pagsubok na kamatayan; pang-apat, ipinararanas sa tao ang panahon ng pagmamahal sa Diyos at ipinapahayag ang kapasyahan ng isang nilalang; panglima, tinutulutan ang tao na makita ang kalooban ng Diyos at lubusan Siyang makilala, at sa wakas ay ginagawang ganap ang tao. Hindi Niya ipinlano ang lahat ng bagay na ito noong Kapanahunan ng Biyaya; sa halip, sinimulan Niyang planuhin ang mga ito sa kasalukuyang panahon. Kumikilos si Satanas, gayundin ang Diyos. Ipinapahayag ni Satanas ang tiwaling disposisyon nito, samantalang tuwirang nagsasalita ang Diyos at naghahayag ng ilang mahalagang bagay. Ito ang gawaing ginagawa ngayon, at mayroong parehong uri ng prinsipyo sa paggawa na ginamit noong araw, matapos likhain ang mundo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 150

Una ay nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, at lumikha rin Siya ng ahas. Sa lahat ng bagay, ang ahas na ito ang pinaka-makamandag; ang katawan nito ay may lason, na ginamit ni Satanas upang samantalahin ito. Ang ahas ang nanukso kay Eba na magkasala. Nagkasala si Adan pagkatapos ni Eba, at pagkatapos ay nagawa nilang dalawa na makatukoy sa pagitan ng mabuti at masama. Kung alam ni Jehova na tutuksuhin ng ahas si Eba at na tutuksuhin ni Eba si Adan, bakit Niya sila inilagay lahat sa loob ng isang halamanan? Kung nagawa Niyang hulaan ang mga bagay na ito, bakit Niya nilikha ang ahas at inilagay ito sa loob ng Halamanan ng Eden? Bakit nasa Halamanan ng Eden ang bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama? Gusto ba Niyang kainin nila ang bunga? Nang dumating si Jehova, hindi nangahas si Adan ni si Eba na harapin Siya, at noon lamang nalaman ni Jehova na kinain na nila ang bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama at nabiktima sila ng panlilinlang ng ahas. Sa huli, isinumpa Niya ang ahas, at isinumpa rin Niya sina Adan at Eba. Nang kainin nilang dalawa ang bunga ng puno, ni hindi man lang alam ni Jehova na ginagawa nila iyon noon. Naging tiwali ang sangkatauhan hanggang sa maging masama sila at malaswa, hanggang sa lahat ng kinimkim nila sa kanilang puso ay masama at hindi matuwid; lahat ng iyon ay marumi. Sa gayon ay pinagsisihan ni Jehova ang paglikha sa sangkatauhan. Pagkatapos niyon, isinagawa Niya ang Kanyang gawaing wasakin ang mundo sa pamamagitan ng baha, na naligtasan ni Noe at ng kanyang mga anak. Ang ilang bagay ay hindi talaga kasing-unlad at higit-sa-karaniwan na tulad ng maaaring isipin ng mga tao. Nagtatanong ang ilan: “Yamang alam ng Diyos na ipagkakanulo Siya ng arkanghel, bakit Niya ito nilikha?” Narito ang mga tunay na nangyari: Bago umiral ang mundo, ang arkanghel ang pinakadakila sa mga anghel sa langit. Mayroon itong kapangyarihan sa lahat ng anghel sa langit; ito ang awtoridad na ibinigay rito ng Diyos. Maliban sa Diyos, ito ang pinakadakila sa mga anghel sa langit. Kalaunan, matapos likhain ng Diyos ang sangkatauhan, sa lupa naman ay nagsagawa ng mas malaki pang pagtataksil ang arkanghel laban sa Diyos. Sinasabi Ko na ipinagkanulo nito ang Diyos dahil nais nitong pamahalaan ang sangkatauhan at lampasan ang awtoridad ng Diyos. Ang arkanghel ang nanukso kay Eba na magkasala, at ginawa ito dahil nais nitong itatag ang kaharian nito sa lupa at patalikurin ang sangkatauhan sa Diyos at sa halip ay sundin nila ang arkanghel. Nakita ng arkanghel na maaari itong sundin ng napakaraming bagay—magagawa iyon ng mga anghel, gayundin ng mga tao sa ibabaw ng lupa. Ang mga ibon at hayop, mga puno, kagubatan, kabundukan, mga ilog, ang lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa ay nasa pangangalaga ng mga tao—ibig sabihin, nina Adan at Eba—samantalang sinunod nina Adan at Eba ang arkanghel. Sa gayon ay hinangad ng arkanghel na lampasan ang awtoridad ng Diyos at pagtaksilan ang Diyos. Pagkatapos niyon, pinamunuan nito ang maraming anghel na maghimagsik laban sa Diyos, na kalaunan ay naging iba’t ibang uri ng maruruming espiritu. Hindi ba sanhi ng katiwalian ng arkanghel ang pag-unlad ng sangkatauhan hanggang sa araw na ito? Naging ganito lamang ang sangkatauhan ngayon dahil pinagtaksilan ng arkanghel ang Diyos at ginawang tiwali ang sangkatauhan. Ang paisa-isang hakbang na gawaing ito ay hindi mahirap unawain at simple na katulad ng maaaring isipin ng tao. Isinagawa ni Satanas ang pagtataksil nito sa isang dahilan, subalit hindi naintindihan ng mga tao ang gayon kasimpleng bagay. Bakit ang Diyos, na lumikha ng langit at lupa at lahat ng bagay, ay nilikha rin si Satanas? Yamang labis na kinamumuhian ng Diyos si Satanas, at si Satanas ay Kanyang kaaway, bakit Niya nilikha si Satanas? Sa paglikha kay Satanas, hindi ba Siya lumikha ng isang kaaway? Hindi talaga lumikha ng isang kaaway ang Diyos; sa halip, lumikha Siya ng isang anghel, at kalaunan ay ipinagkanulo Siya ng anghel na iyon. Naging napakataas ng katayuan nito kaya ninais nitong ipagkanulo ang Diyos. Masasabi na nagkataon lamang ito, ngunit hindi rin ito maiiwasan. Kapareho ito ng paraan kung paanong hindi maiiwasang mamatay ang isang tao pagdating sa takdang gulang; sumasapit lamang talaga ang yugtong ito. Sinasabi pa ng ilang nakatatawang hangal, “Yamang kaaway Mo si Satanas, bakit Mo ito nilikha? Hindi Mo ba alam na ipagkakanulo Ka ng arkanghel? Hindi Mo ba masusulyapan ang kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan? Hindi Mo ba alam ang likas na pagkatao ng arkanghel? Yamang malinaw Mong alam na ipagkakanulo Ka nito, bakit Mo ito ginawang arkanghel? Hindi Ka lamang nito ipinagkanulo, isinama rin nito ang napakaraming iba pang anghel at bumaba sa mundo ng mga mortal upang gawing tiwali ang sangkatauhan, subalit hanggang sa araw na ito, hindi Mo pa rin natatapos ang Iyong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala.” Tama ba ang mga salitang iyon? Kapag ganito ang iniisip mo, hindi mo ba mas inilalagay sa panganib ang iyong sarili kaysa kinakailangan? May iba pang nagsasabing, “Kung hindi ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan hanggang sa araw na ito, hindi sana nailigtas ng Diyos ang sangkatauhan nang ganito. Sa gayon, hindi sana nakita ang karunungan at ang pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos; saan naipakita ang Kanyang karunungan? Kaya lumikha ang Diyos ng isang sangkatauhan para kay Satanas upang maipakita kalaunan ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat—kung hindi, paano matutuklasan ng tao ang karunungan ng Diyos? Kung hindi nilabanan ng tao ang Diyos o sinuway Siya, hindi na sana kinailangang ipakita ang Kanyang mga gawa. Kung sasambahin Siya at susundin ng lahat ng nilikha at magpapasakop sa Kanya, wala sana Siyang gawaing gagawin.” Mas malayo pa ito sa realidad, sapagkat walang marumi tungkol sa Diyos, kaya hindi Siya maaaring lumikha ng dumi. Ipinapakita Niya ang Kanyang mga gawa ngayon para lamang matalo ang Kanyang kaaway, iligtas ang mga taong Kanyang nilikha, at talunin ang mga demonyo at si Satanas, na kinamumuhian, ipinagkakanulo, at nilalabanan ang Diyos, at nasa ilalim ng Kanyang kapamahalaan at pag-aari Niya sa simula pa lamang. Nais ng Diyos na talunin ang mga demonyong ito at, sa paggawa nito, ipakita ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang sangkatauhan at lahat ng nasa lupa ay nasa ilalim ngayon ng sakop ni Satanas at nasa ilalim ng sakop ng masama. Nais ng Diyos na ipakita ang Kanyang mga kilos sa lahat ng bagay upang makilala Siya ng mga tao, at sa gayon ay matalo si Satanas at lubos na malipol ang Kanyang mga kaaway. Ang kabuuan ng gawaing ito ay natutupad sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kanyang mga kilos. Lahat ng Kanyang nilikha ay nasa ilalim ng sakop ni Satanas, kaya nais ng Diyos na ipakita sa kanila ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat, sa gayon ay matalo si Satanas. Kung walang Satanas, hindi Niya kakailanganing ipakita ang Kanyang mga gawa. Kung hindi sa panliligalig ni Satanas, nilikha sana ng Diyos ang sangkatauhan at inakay silang manirahan sa Halamanan ng Eden. Bakit, bago ang pagkakanulo ni Satanas, hindi ipinakita ng Diyos ang Kanyang mga gawa sa mga anghel o sa arkanghel? Kung, sa simula, nakilala ng mga anghel at arkanghel ang Diyos at nagpasakop sa Kanya, hindi sana isinagawa ng Diyos ang mga walang-kabuluhang kilos na iyon ng gawain. Dahil sa pag-iral ni Satanas at ng mga demonyo, nilabanan na rin ng mga tao ang Diyos, at punung-puno ng suwail na disposisyon. Sa gayon ay nais ng Diyos na ipakita ang Kanyang mga kilos. Dahil nais Niyang makidigma kay Satanas, kailangan Niyang gamitin ang Kanyang sariling awtoridad at lahat ng Kanyang kilos upang talunin ito; sa ganitong paraan, ang gawain ng pagliligtas na Kanyang isinasagawa sa mga tao ay tutulutan silang makita ang Kanyang karunungan at pagiging makapangyarihan sa lahat. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon ay makabuluhan, at sa anumang paraan ay hindi katulad ng tinutukoy ng ilang tao kapag sinasabi nilang, “Hindi ba salungat ang gawaing ginagawa Mo? Hindi ba ang sunud-sunod na gawaing ito ay pagsasanay lamang sa pagpapahirap sa Iyong Sarili? Nilikha Mo si Satanas, at pagkatapos ay hinayaan Mo itong ipagkanulo at labanan Ka. Nilikha Mo ang mga tao, at ipinasa sila kay Satanas, at tinulutan Mong matukso sina Adan at Eba. Yamang sinadya Mong gawin ang lahat ng ito, bakit Mo kinasusuklaman ang sangkatauhan? Bakit Mo kinamumuhian si Satanas? Hindi ba Ikaw ang may kagagawan ng lahat ng ito? Ano pa ang kamumuhian Mo?” Medyo may ilang kakatwang taong nagsasabi ng gayong mga bagay. Nais nilang mahalin ang Diyos, ngunit sa kanilang puso ay nagrereklamo sila tungkol sa Diyos. Napakalaking pagsalungat! Hindi mo nauunawaan ang katotohanan, napakarami mong ideyang higit-sa-karaniwan, at sinasabi mo pa na nagkamali ang Diyos—kakatwa ka talaga! Ikaw ang nakikipaglaro sa katotohanan; hindi nagkamali ang Diyos! Paulit-ulit na inirereklamo ng ilang tao, “Ikaw ang lumikha kay Satanas, at inihagis Mo si Satanas sa mga tao at ipinasa rito ang sangkatauhan. Nang minsang magtaglay ang sangkatauhan ng napakasamang disposisyon, hindi Mo sila pinatawad; bagkus, medyo kinamuhian Mo sila. Sa simula ay medyo minahal Mo sila, ngunit ngayon ay kinasusuklaman Mo na sila. Ikaw ang namuhi sa sangkatauhan, subalit Ikaw rin ang nagmahal sa sangkatauhan. Ano ba talaga ang nangyayari dito? Hindi ba magkasalungat ito?” Paano man ninyo ito tingnan, ito ang nangyari sa langit; ito ang paraan na ipinagkanulo ng arkanghel ang Diyos at ginawang tiwali ang sangkatauhan, at ganito nagpapatuloy ang mga tao hanggang sa araw na ito. Paano man ninyo ito sabihin, iyan ang buong salaysay. Gayunman, kailangan ninyong maunawaan na ang buong layunin sa likod ng gawaing ito na ginagawa ng Diyos ngayon ay upang iligtas kayo at talunin si Satanas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 151

Ginagamit ng Diyos ang Kanyang pamamahala sa mga tao upang talunin si Satanas. Sa pagtitiwali sa mga tao, tinatapos ni Satanas ang kanilang kapalaran at ginagambala ang gawain ng Diyos. Sa kabilang dako, ang gawain ng Diyos ay ang pagliligtas sa sangkatauhan. Aling hakbang ng gawain ng Diyos ang hindi para iligtas ang sangkatauhan? Aling hakbang ang hindi para linisin ang mga tao, at pakilusin sila nang matuwid at mamuhay sa larawan ng mga taong maaaring mahalin? Gayunman, hindi ito ginagawa ni Satanas. Ginagawa nitong tiwali ang sangkatauhan; patuloy nitong isinasagawa ang gawain nitong gawing tiwali ang sangkatauhan sa buong sansinukob. Siyempre pa, ginagawa rin ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, at hindi pinapansin si Satanas. Gaano man kalaki ang awtoridad ni Satanas, ang awtoridad na iyon ay bigay pa rin dito ng Diyos; hindi talaga basta ibinigay ng Diyos ang Kanyang buong awtoridad, kaya nga anuman ang gawin ni Satanas, hindi nito kayang lampasan ang Diyos at palagi itong magiging nasa mga kamay ng Diyos. Hindi ipinakita ng Diyos ang anuman sa Kanyang mga kilos habang nasa langit. Binigyan lamang Niya si Satanas ng maliit na bahagi ng awtoridad at tinulutan itong magkaroon ng kontrol sa iba pang mga anghel. Samakatuwid, anuman ang gawin ni Satanas, hindi nito kayang lampasan ang awtoridad ng Diyos, dahil ang awtoridad na orihinal na ipinagkaloob dito ng Diyos ay limitado. Habang gumagawa ang Diyos, nanggagambala si Satanas. Sa mga huling araw, ang mga paggambala nito ay matatapos; matatapos din ang gawain ng Diyos, at ang uri ng mga taong nais gawing ganap ng Diyos ay makukumpleto. Pinapatnubayan ng Diyos ang mga tao nang positibo; ang Kanyang buhay ay tubig na buhay, hindi masusukat at walang hangganan. Nagawang tiwali ni Satanas ang tao kahit paano; sa huli, ang buhay na tubig ng buhay ay gagawing ganap ang tao, at magiging imposibleng makialam at magsagawa si Satanas ng gawain nito. Sa gayon, lubos na maaangkin ng Diyos ang mga taong ito. Kahit ngayon, ayaw pa rin itong tanggapin ni Satanas; patuloy nitong inilalaban ang sarili sa Diyos, ngunit hindi Niya ito pinapansin. Sabi ng Diyos, “Magiging matagumpay Ako laban sa lahat ng puwersa ng kadiliman ni Satanas at laban sa lahat ng impluwensya ng kadiliman.” Ito ang gawaing dapat isagawa sa katawang-tao, at ito rin ang dahilan kaya makabuluhan ang maging tao: ibig sabihin, upang tapusin ang yugto ng gawaing talunin si Satanas sa mga huling araw, at lipulin ang lahat ng bagay na pag-aari ni Satanas. Hindi maiiwasan ang tagumpay ng Diyos laban kay Satanas! Ang totoo, matagal nang nabigo si Satanas. Nang magsimulang lumaganap ang ebanghelyo sa buong lupain ng malaking pulang dragon—ibig sabihin, nang simulan ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain at pagalawin ang gawaing ito—lubos na natalo si Satanas, sapagkat ang pinaka-layunin ng pagkakatawang-tao ay upang lupigin si Satanas. Nang makita ni Satanas na minsan pang naging tao ang Diyos at nagsimulang magsagawa ng Kanyang gawain, na hindi mapigil ng anumang puwersa, sa gayon ay natulala ito nang makita ang gawaing ito, at hindi nangahas na gumawa ng anumang iba pang kalokohan. Noong una, akala ni Satanas ay pinagkalooban din ito ng maraming karunungan, at ginambala at niligalig nito ang gawain ng Diyos; gayunman, hindi nito inasahan na minsan pang magiging tao ang Diyos, o na sa Kanyang gawain, gagamitin ng Diyos ang pagkasuwail ni Satanas upang magsilbing isang paghahayag at paghatol sa sangkatauhan, nang sa gayon ay malupig ang mga tao at matalo si Satanas. Mas matalino ang Diyos kaysa kay Satanas, at ang Kanyang gawain ay higit pa kaysa rito. Kaya nga, isinaad Ko na dati, “Ang gawaing Aking ginagawa ay isinasagawa bilang tugon sa mga pandaraya ni Satanas; sa huli, ipapakita Ko ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat at ang kawalan ng kapangyarihan ni Satanas.” Gagawin ng Diyos ang Kanyang gawain sa unahan, samantalang bubuntot naman si Satanas sa likuran, hanggang ito, sa huli, ay tuluyang mawasak—ni hindi nito malalaman kung ano ang tumama rito! Matatanto lamang nito ang katotohanan kapag nadurog at nadikdik na ito, at sa oras na iyon, nasunog na ito sa lawa ng apoy. Hindi ba lubos na itong makukumbinsi sa oras na iyon? Sapagkat wala nang magagamit na mga pakana si Satanas sa oras na iyon!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 152

Ang gawain ng Diyos sa gitna ng mga tao ay hindi maihihiwalay sa tao, dahil ang tao ay ang layon ng gawaing ito, at ang tanging nilikha ng Diyos na kayang magpatotoo sa Diyos. Ang buhay ng tao at ang lahat ng gawain ng tao ay hindi maihihiwalay sa Diyos, at kinokontrol lahat ng mga kamay ng Diyos, at masasabi pa na walang tao ang maaaring umiral nang hiwalay sa Diyos. Walang maaaring magkaila nito, dahil ito ay isang katunayan. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kapakinabangan ng sangkatauhan, at nakatuon laban sa mga pakana ni Satanas. Ang lahat ng kailangan ng tao ay nanggagaling sa Diyos, at ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay ng tao. Kaya, ang tao ay sadyang hindi kayang mawalay sa Diyos. Ang Diyos, higit pa rito, ay hindi nagkaroon kailanman ng hangaring mawalay sa tao. Ang gawain na ginagawa ng Diyos ay para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, at ang mga iniisip Niya ay laging mabuti. Kung gayon, para sa tao, ang gawain ng Diyos at ang mga iniisip ng Diyos (ibig sabihin, ang kalooban ng Diyos) ay kapwa “mga pangitain” na dapat malaman ng tao. Ang gayong mga pangitain ay ang pamamahala rin ng Diyos, at gawain na hindi kayang magawa ng tao. Samantala, ang mga hinihingi ng Diyos sa tao sa panahon ng Kanyang gawain ay tinatawag na “pagsasagawa” ng tao. Ang mga pangitain ay ang gawain ng Diyos Mismo, o ang kalooban Niya para sa sangkatauhan o ang mga layunin at kahalagahan ng gawain Niya. Ang mga pangitain ay masasabi ring bahagi ng pamamahala, dahil ang pamamahalang ito ay ang gawain ng Diyos, at ito ay nakatuon sa tao, na nangangahulugang ito ang gawain na ginagawa ng Diyos sa gitna ng mga tao. Ang gawaing ito ang patunay at ang daan kung saan nakikilala ng tao ang Diyos, at ito ay napakahalaga para sa tao. Kung sa halip na magbigay-pansin sa pagkilala sa gawain ng Diyos ay nagbibigay-pansin lamang ang mga tao sa mga doktrina ng paniniwala sa Diyos, o sa mabababaw at di-mahahalagang detalye, sadyang hindi nila makikilala ang Diyos, at, higit pa rito, hindi sila magiging kaayon ng puso ng Diyos. Ang gawain ng Diyos na lubhang makatutulong sa pagkakilala ng tao sa Diyos ay tinatawag na mga pangitain. Ang mga pangitaing ito ang gawain ng Diyos, ang kalooban ng Diyos, at ang mga layunin at kahalagahan ng gawain ng Diyos; ang lahat ng ito ay kapaki-pakinabang sa tao. Ang pagsasagawa ay tumutukoy sa kung ano ang dapat gawin ng tao, yaong dapat gawin ng mga nilalang na sumusunod sa Diyos, at ito ay tungkulin din ng tao. Kung ano ang dapat na gawin ng tao ay hindi isang bagay na naunawaan ng tao mula sa pinakasimula, kundi mga hinihingi ng Diyos sa tao sa panahon ng gawain Niya. Ang mga hinihinging ito ay unti-unting lumalalim at tumataas habang gumagawa ang Diyos. Halimbawa, sa Kapanahunan ng Kautusan, kinailangang sundin ng tao ang batas, at sa Kapanahunan ng Biyaya, kinailangang pasanin ng tao ang krus. Iba ang Kapanahunan ng Kaharian: Ang mga hinihingi sa tao ay mas matataas kaysa sa Kapanahunan ng Kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya. Habang ang mga pangitain ay mas tumataas, ang mga hinihingi sa tao ay lalo pang tumataas, at lalo pang lumilinaw at nagiging mas totoo. Gayon din, ang mga pangitain ay lalo’t lalong nagiging mas totoo. Ang maraming totoong pangitaing ito ay hindi lamang kapaki-pakinabang sa pagsunod ng tao sa Diyos, kundi, higit pa rito, ay kapaki-pakinabang sa kanyang pagkakilala sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 153

Kung ihahambing sa mga nakalipas na kapanahunan, ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian ay mas praktikal, mas nakatuon sa diwa ng tao at sa mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at mas nakapagpapatotoo sa Diyos Mismo para sa lahat ng sumusunod sa Kanya. Sa madaling salita, noong Kapanahunan ng Kaharian, habang Siya ay gumagawa, mas ipinamamalas ng Diyos ang Sarili Niya sa tao kaysa sa iba pang panahon sa nakalipas, nangangahulugan na ang mga pangitain na nararapat malaman ng tao ay mas mataas kaysa sa anumang nakalipas na kapanahunan. Dahil ang gawain ng Diyos sa gitna ng tao ay pumasok na sa isang larangang hindi pa napasok noon, ang mga pangitaing nalalaman ng tao sa Kapanahunan ng Kaharian ang pinakamataas sa lahat ng gawaing pamamahala. Ang gawain ng Diyos ay pumasok na sa hindi pa napasok na larangan, kaya’t ang mga pangitain na malalaman ng tao ay naging ang pinakamataas sa lahat ng pangitain, at ang naibungang pagsasagawa ng tao ay mas mataas din kaysa sa anumang nakalipas na kapanahunan, dahil ang pagsasagawa ng tao ay nagbabago alinsunod sa mga pangitain, at ang pagkaperpekto ng mga pangitain ay tanda rin ng pagkaperpekto ng mga hinihingi sa tao. Sa sandaling ang lahat ng pamamahala ng Diyos ay huminto, gayundin hihinto ang pagsasagawa ng tao, at kung wala ang gawain ng Diyos, walang magagawa ang tao kundi ang manatili sa doktrina ng nakalipas, kung hindi ay wala na siyang mababalingan. Kung walang mga bagong pangitain, walang magiging bagong pagsasagawa ang tao; kung walang ganap na mga pangitain, walang magiging perpektong pagsasagawa ang tao; kung walang mas mataas na mga pangitain, walang magiging mas mataas na pagsasagawa ang tao. Ang pagsasagawa ng tao ay nagbabago ayon sa mga yapak ng Diyos, at, gayundin, ang kaalaman at karanasan ng tao ay nagbabago rin ayon sa gawain ng Diyos. Gaano man kahusay ang tao, hindi pa rin siya maihihiwalay sa Diyos, at kung hihinto sa paggawa ang Diyos kahit isang saglit, agad na mamamatay ang tao mula sa Kanyang galit. Walang maipagyayabang ang tao, dahil gaano man kataas ang kaalaman ng tao ngayon, gaano man kalalim ang kanyang mga karanasan, hindi siya maihihiwalay sa gawain ng Diyos—dahil ang pagsasagawa ng tao, at yaong dapat niyang hanapin sa kanyang paniniwala sa Diyos, ay hindi maihihiwalay sa mga pangitain. Sa bawat pagkakataon ng gawain ng Diyos, mayroong mga pangitaing dapat malaman ng tao, at, kasunod ng mga ito, mayroong mga angkop na hinihingi sa tao. Kung wala ang mga pangitaing ito bilang saligan, sadyang hindi kayang magsagawa ng tao, at hindi rin magagawang lubos na sumunod sa Diyos. Kung hindi kilala ng tao ang Diyos o hindi niya nauunawaan ang Kanyang kalooban, lahat ng ginagawa ng tao ay walang kabuluhan, at hindi masasang-ayunan ng Diyos. Gaano man kasagana ang mga kaloob sa tao, hindi pa rin siya maihihiwalay sa gawain at sa patnubay ng Diyos. Gaano man kabuti o karami ang mga pagkilos ng tao, hindi pa rin mapapalitan ng mga ito ang gawain ng Diyos. Kaya, anuman ang kalagayan, hindi maihihiwalay ang pagsasagawa ng tao mula sa mga pangitain. Ang mga hindi tumatanggap sa mga bagong pangitain ay walang bagong pagsasagawa. Ang kanilang pagsasagawa ay walang kaugnayan sa katotohanan dahil sumusunod sila sa mga doktrina at nananatili sa walang-buhay na batas; wala sila ni anumang bagong pangitain, at bilang kinalabasan, wala silang isinasagawa sa bagong kapanahunan. Naiwala na nila ang mga pangitain, at dahil dito, naiwala na rin nila ang gawain ng Banal na Espiritu, at ang katotohanan. Yaong mga walang katotohanan ay mga anak ng kahangalan, at sila ang pagsasakatawan ni Satanas. Anumang uri ang isang tao, hindi maaaring wala siyang pangitain sa gawain ng Diyos, at hindi maaaring mawalan ng presensiya ng Banal na Espiritu; sa sandaling maiwala ng isa ang mga pangitain, agad-agad siyang bumababa sa Hades at namumuhay sa gitna ng kadiliman. Ang mga taong walang pangitain ay yaong mga sumusunod sa Diyos nang may kahangalan, sila yaong mga salat sa gawain ng Banal na Espiritu, at namumuhay sila sa impiyerno. Ang ganoong mga tao ay hindi naghahangad na matamo ang katotohanan, kundi isinasabit ang pangalan ng Diyos na tila isang karatula. Yaong mga hindi nakakaalam ng gawain ng Banal na Espiritu, na hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao, na hindi nakakaalam sa tatlong yugto ng gawain sa kabuuan ng pamamahala ng Diyos—hindi nila alam ang mga pangitain, kaya’t sila ay walang katotohanan. At hindi ba’t yaong mga hindi nagtataglay ng katotohanan ay mga gumagawa lahat ng kasamaan? Yaong mga handang isagawa ang katotohanan, handang hanapin ang pagkakilala sa Diyos, at tunay na nakikipagtulungan sa Diyos ay mga taong ginagamit ang mga pangitain bilang saligan. Sila ay sinasang-ayunan ng Diyos dahil sila ay nakikipagtulungan sa Diyos, at ang pakikipagtulungang ito ang dapat isagawa ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 154

Naglalaman ang mga pangitain ng maraming landas sa pagsasagawa. Ang mga praktikal na hinihingi sa tao ay nilalaman din ng mga pangitain, gayundin ang gawain ng Diyos na kailangang malaman ng tao. Sa nakalipas, sa panahon ng mga natatanging pagtitipon o maringal na mga pagtitipon na ginanap sa iba’t ibang lugar, iisang aspeto lamang ng landas ng pagsasagawa ang pinag-usapan. Ang pagsasagawang iyon ay yaong isasagawa sa Kapanahunan ng Biyaya, at walang masyadong kaugnayan sa pagkakilala sa Diyos, dahil ang pangitain ng Kapanahunan ng Biyaya ay ang pangitain lamang ng pagkakapako sa krus ni Jesus, at walang mga pangitain na higit pa rito. Wala nang dapat malaman ang tao maliban sa gawain ng Kanyang pagtubos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus, kaya’t sa Kapanahunan ng Biyaya ay wala nang iba pang pangitain na kailangang malaman ng tao. Sa ganitong paraan, mayroon lamang katiting na pagkakilala ang tao sa Diyos, at bukod sa kaalaman tungkol sa pag-ibig at awa ni Jesus, mayroon lamang iilang payak at kahabag-habag na mga bagay para isagawa niya, mga bagay na napakalayo sa ngayon. Noong nakalipas, anumang paraan ang ginamit sa kanyang pagtitipon, walang kakayahan ang tao na mangusap tungkol sa praktikal na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, at lalong hindi malinaw na nasabi ninuman kung aling landas ng pagsasagawa ang pinakaangkop na pasukin ng tao. Nagdagdag lamang ang tao ng ilang payak na detalye sa saligan ng pagtitimpi at pagtitiis; sadyang walang pagbabago sa diwa ng kanyang pagsasagawa, dahil sa parehong kapanahunan ay hindi gumawa ang Diyos ng anumang mas bagong gawain, at ang tanging hiningi Niya sa tao ay ang pagtitimpi at pagtitiis, o pagpasan ng krus. Maliban sa gayong mga pagsasagawa, walang mas mataas na mga pangitain kaysa sa pagkakapako sa krus ni Jesus. Sa nakalipas, walang binanggit na ibang mga pangitain dahil hindi gumawa ng maraming gawain ang Diyos, at dahil kaunti lamang ang Kanyang mga hiningi sa tao. Sa paraang ito, anuman ang ginawa ng tao, hindi niya nagawang labagin ang mga hangganang ito, mga hangganan na iilan lamang na payak at mababaw na mga bagay na dapat isagawa ng tao. Ngayon ay Aking sinasalita ang iba pang mga pangitain dahil ngayon, mas marami nang gawain ang nagawa, gawain na ilang ulit na nakahihigit sa Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Ang mga hinihingi sa tao ay ilang ulit din na mas mataas kaysa sa mga nakalipas na kapanahunan. Kung walang kakayahan ang tao na lubusang malaman ang gawaing iyon, hindi ito magtataglay ng malaking kahalagahan; maaaring sabihin na mahihirapan ang tao na lubos na malaman ang ganoong gawain kung hindi siya naglalaan ng buong buhay na pagsisikap para dito. Sa gawain ng panlulupig, kung ang pag-uusapan lamang ay ang landas ng pagsasagawa, magiging imposibleng lupigin ang tao. Magiging imposible ring lupigin ang tao sa pagsasalita lamang tungkol sa mga pangitain, nang walang anumang mga hinihingi sa tao. Kung ang landas ng pagsasagawa lamang ang napag-usapan, magiging imposible na patamaan ang nakamamatay na kahinaan ng tao, o na iwaksi ang mga kuru-kuro ng tao, at magiging imposible rin na lubusang lupigin ang tao. Ang mga pangitain ang pangunahing kagamitan sa paglupig sa tao, ngunit kung walang landas ng pagsasagawa bukod sa mga pangitain, walang magiging daan upang makasunod ang tao, at lalong wala siyang magiging anumang paraan ng pagpasok. Ito na ang naging prinsipyo ng gawain ng Diyos mula sa simula hanggang sa katapusan: Sa mga pangitain ay mayroong maaaring maisagawa, at mayroon ding mga pangitain bukod pa sa pagsasagawa. Ang antas ng mga pagbabago kapwa sa buhay ng tao at sa kanyang disposisyon ay kasama sa mga pagbabago sa mga pangitain. Kung aasa lamang ang tao sa sarili niyang mga pagsisikap, magiging imposible para sa kanya na makatamo ng kahit na anumang malaking antas ng pagbabago. Ang mga pangitain ay tumutukoy sa gawain ng Diyos Mismo at sa pamamahala ng Diyos. Ang pagsasagawa ay tumutukoy sa landas ng pagsasagawa ng tao, at sa paraan ng pag-iral ng tao; sa buong pamamahala ng Diyos, ang kaugnayan sa pagitan ng mga pangitain at ng pagsasagawa ay ang kaugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Kapag inalis ang mga pangitain, o kung ang mga ito ay binanggit nang hindi pinag-uusapan ang pagsasagawa, o kung mayroon lamang mga pangitain at inalis ang pagsasagawa ng tao, ang gayong mga bagay ay hindi maituturing na pamamahala ng Diyos, at lalo nang hindi masasabi na ang gawain ng Diyos ay ginagawa para sa kapakanan ng sangkatauhan; sa ganitong paraan, hindi lamang maaalis ang tungkulin ng tao, kundi ito ay magiging pagtanggi sa layunin ng gawain ng Diyos. Kung, mula sa simula hanggang sa katapusan, hiningi lamang sa tao na magsagawa, nang walang nakapaloob na gawain ng Diyos, at, higit pa rito, kung hindi hiningi sa tao na alamin ang gawain ng Diyos, lalong hindi matatawag ang gayong gawain na pamamahala ng Diyos. Kung hindi kilala ng tao ang Diyos, at walang alam sa kalooban ng Diyos, at bulag na nagsagawa sa isang magulo at malabong paraan, hindi siya kailanman magiging lubos na katanggap-tanggap na nilalang. Kaya, ang dalawang bagay na ito ay parehong di-maaaring mawala. Kung ang mayroon lamang ay ang gawain ng Diyos, na ibig sabihin, kung ang mayroon lamang ay ang mga pangitain at wala ang pakikipagtulungan o pagsasagawa ng tao, ang gayong mga bagay ay hindi matatawag na pamamahala ng Diyos. Kung ang mayroon lamang ay ang pagsasagawa at ang pagpasok ng tao, gaano pa man kataas ang landas na pinasukan ng tao, ito rin ay hindi magiging katanggap-tanggap. Ang pagpasok ng tao ay kailangang unti-unting magbago kasabay ng gawain at mga pangitain; hindi ito maaaring magbago kung kailan gusto. Ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ng tao ay hindi malaya at di-napipigilan, kundi may mga hangganan. Ang mga ganoong prinsipyo ay unti-unting nagbabago ayon sa mga pangitain ng gawain. Samakatuwid, ang pamamahala ng Diyos sa kahuli-hulihan ay nakabatay sa gawain ng Diyos at pagsasagawa ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 155

Ang gawaing pamamahala ay umiral lamang dahil sa sangkatauhan, na nangangahulugang lumitaw lamang ito dahil sa pag-iral ng sangkatauhan. Walang pamamahala bago ang sangkatauhan, o sa pasimula, nang ang kalangitan at lupa at lahat ng bagay ay nilikha. Kung, sa buong gawain ng Diyos, ay walang pagsasagawa na kapaki-pakinabang sa tao, na ang ibig sabihin, kung ang Diyos ay hindi gumawa ng mga angkop na mga kinakailangan sa tiwaling sangkatauhan (kung, sa gawaing ginawa ng Diyos, ay walang angkop na landas para sa pagsasagawa ng tao), kung gayon ang gawaing ito ay hindi matatawag na pamamahala ng Diyos. Kung ang kabuuan ng gawain ng Diyos ay kinapapalooban lamang ng pagsasabi sa tiwaling sangkatauhan kung paano nila gagampanan ang kanilang pagsasagawa, at hindi isinakatuparan ng Diyos ang alinman sa Kanyang sariling plano, at hindi nagpamalas ng kahit katiting ng Kanyang walang-hanggang kapangyarihan o karunungan, kung gayon gaano man kataas ang mga kinakailangan ng Diyos sa tao, gaano man katagal namuhay ang Diyos kasama ng tao, walang malalaman ang tao tungkol sa disposisyon ng Diyos; kung ito ang kalagayan, ang ganitong uri ng gawain ay mas lalong hindi karapat-dapat na tawaging pamamahala ng Diyos. Sa madaling salita, ang gawain ng pamamahala ng Diyos ay gawaing ginagawa ng Diyos, at ang lahat ng gawain na isinasakatuparan niyaong mga nakamit ng Diyos sa ilalim ng Kanyang paggabay. Ang ganoong gawain ay maaaring ibuod bilang pamamahala. Sa madaling salita, ang gawain ng Diyos sa tao, gayundin ang pakikipagtulungan sa Kanya ng lahat ng sumusunod sa Kanya ay maaaring tawaging lahat na pamamahala. Dito, ang gawain ng Diyos ay tinatawag na mga pangitain, at ang pakikipagtulungan ng tao ay tinatawag na pagsasagawa. Habang tumataas ang gawain ng Diyos (iyon ay, kung gaano kataas ang mga pangitain), higit na nagagawang malinaw sa tao ang disposisyon ng Diyos, at higit na kasalungat ito ng mga kuru-kuro ng mga tao, at higit na nagiging mataas ang pagsasagawa at pakikipagtulungan ng tao. Habang higit na tumataas ang mga hinihingi sa tao, higit na nagiging kasalungat ng mga kuru-kuro ng tao ang gawain ng Diyos, at bilang bunga nito ang mga pagsubok sa tao, at ang mga pamantayang hinihingi sa kanya na maabot, ay tumataas din. Sa pagtatapos ng gawaing ito, ang lahat ng pangitain ay naging ganap na, at yaong kinakailangan na isagawa ng tao ay mararating ang rurok ng kasakdalan. Ito rin ang magiging panahon kung kailan ang lahat ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri, sapagka’t yaong dapat malaman ng tao ay maipapakita sa tao. Kaya’t kapag naabot ng mga pangitain ang kasukdulan, ang gawain ay malapit na ring matatapos, at maaabot din ng pagsasagawa ng tao ang tugatog nito. Ang pagsasagawa ng tao ay batay sa gawain ng Diyos, at ang pamamahala ng Diyos ay lubos na naihahayag lamang dahil sa pagsasagawa at pakikipagtulungan ng tao. Ang tao ang pantawag-pansin ng gawain ng Diyos, at ang layon ng gawain ng lahat ng pamamahala ng Diyos, at ang bunga rin ng buong pamamahala ng Diyos. Kung mag-isang gumawa ang Diyos, at wala ang pakikipagtulungan ng tao, kung gayon walang magsisilbing pagbubuu-buo ng Kanyang buong gawain, at pagkaraan, walang magiging bahagya mang kabuluhan sa pamamahala ng Diyos ni katiting man. Maliban pa sa gawain ng Diyos, tanging sa pamamagitan lamang ng pagpili ng angkop na mga bagay para magpahayag ng Kanyang gawain at magpatunay sa walang-hanggang kapangyarihan nito maaaring makamit ang layunin ng pamamahala Niya, at makamit ang layunin ng paggamit ng lahat ng gawaing ito upang ganap na talunin si Satanas. Samakatwid, ang tao ay isang bahagi na hindi maaaring mawala sa gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang tao lamang ang makakagawa sa pamamahala ng Diyos na magbunga at makamit ang sukdulan nitong layunin; Bukod sa tao, walang ibang anyo ng buhay ang makagaganap sa ganoong papel. Kung ang tao ang magiging tunay na pagkakabuu-buo ng gawaing pamamahala ng Diyos, kung gayon ang hindi pagsunod ng tiwaling sangkatauhan ay kailangang lubos na mawala. Kailangang bigyan ang tao ng pagsasagawa na angkop sa iba’t ibang panahon, at na ang Diyos ay nagsasagawa ng katumbas na gawain sa gitna ng tao. Tanging sa paraang ito makakamtan sa kahuli-hulihan ang isang kalipunan ng tao na siyang pagkakabuu-buo ng gawaing pamamahala ng Diyos. Ang gawain ng Diyos sa gitna ng tao ay hindi maaaring magpatotoo sa Diyos Mismo sa pamamagitan lamang ng gawain ng Diyos; upang makamit, ang mga ganoong patotoo ay nangangailangan din ng mga buhay na tao na angkop sa Kanyang gawain. Gagawa muna ang Diyos sa mga taong ito, na kung saan sa pamamagitan nila ang Kanyang gawain ay maihahayag, kaya ang gayong patotoo sa Kanyang kalooban ay matataglay sa gitna ng mga nilalang, at dito, makakamtan ng Diyos ang layunin ng Kanyang gawain. Hindi mag-isang gumagawa ang Diyos upang matalo si Satanas dahil hindi Niya kayang tuwirang magpatotoo para sa sarili Niya sa gitna ng lahat ng nilalang. Kung ito ay gagawin Niya, magiging imposible na lubusang hikayatin ang tao, kaya nararapat na gumawa ang Diyos sa tao upang siya ay lupigin, at saka lamang Siya magkakamit ng patotoo sa gitna ng lahat ng nilalang. Kung ang Diyos lamang ang gagawa, wala ang pakikipagtulungan ng tao, o kung hindi inatasan ang tao na makipagtulungan, kung gayon hindi magagawang makilala ng tao ang disposisyon ng Diyos, at magpakailanmang magiging walang kamalayan sa kalooban ng Diyos; ang gawain ng Diyos sa gayon ay hindi matatawag na gawain ng pamamahala ng Diyos. Kung magsisikap lamang ang tao mismo, at maghahanap, at gagawa nang maigi, nang hindi nauunawaan ang gawain ng Diyos, kung gayon, kalokohan lang ang gagawin ng tao. Kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, yaong ginagawa ng tao ay kay Satanas, siya ay suwail at gumagawa ng masama; naihahayag si Satanas sa lahat ng ginagawa ng tiwaling sangkatauhan, at walang anumang kaayon sa Diyos, at ang lahat ng ginagawa ng tao ay pagpapakita ni Satanas. Wala sa lahat ng nasabi na ang para lamang sa mga pangitain at pagsasagawa. Sa saligan ng mga pangitain, hinahanap ng tao ang pagsasagawa at ang landas ng pagsunod, nang sa gayon ay maisaisantabi niya ang kanyang mga kuru-kuro at makakamit yaong mga bagay na hindi pa niya nataglay sa nakalipas. Kinakailangan ng Diyos na makipagtulungan ang tao sa Kanya, na ang tao ay ganap na magpasakop sa Kanyang mga kinakailangan, at hinihingi ng tao na mamasdan ang gawaing ginagawa ng Diyos Mismo, upang maranasan ang kapangyarihan ng Diyos, at malaman ang disposisyon ng Diyos. Ang mga ito, sa kabuuan, ay ang pamamahala ng Diyos. Ang pagsasanib ng Diyos at ng tao ay ang pamamahala, at ito ang pinakadakilang pamamahala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 156

Yaong kinapapalooban ng mga pangitain ay pangunahing tumutukoy sa gawain ng Diyos Mismo, at yaong kinapapalooban ng pagsasagawa ay dapat magawa ng tao, at walang anupamang kaugnayan sa Diyos. Ang gawain ng Diyos ay tinatapos ng Diyos Mismo, at ang pagsasagawa ng tao ay kinakamit ng tao mismo. Ang mga nararapat magawa ng Diyos Mismo ay hindi kailangang gawin ng tao, at ang dapat isagawa ng tao ay walang kaugnayan sa Diyos. Ang gawain ng Diyos ay ang Kanyang sariling ministeryo, at walang kaugnayan sa tao. Ang gawaing ito ay hindi kailangang gawin ng tao, at, higit sa lahat, hindi makakayang gawin ng tao ang gawain na gagawin ng Diyos. Yaong kinakailangang isagawa ng tao ay dapat magawa ng tao, kung ito man ay ang pagbibigay ng kanyang buhay, o ang paghahatid ng kanyang sarili kay Satanas upang maging patotoo—ang lahat ng ito ay dapat magawa ng tao. Tinatapos ng Diyos Mismo ang lahat ng gawain na nararapat Niyang gawin, at ang nararapat gawin ng tao ay ipinakikita sa tao, at ang mga natitirang gawain ay iniiwan sa tao upang gawin. Hindi gumagawa ang Diyos ng karagdagang gawain. Ginagawa Niya lamang ang gawain na sakop ng ministeryo Niya, at ipinakikita lamang sa tao ang daan, at ginagawa lamang ang gawain ng pagbubukas ng daan, at hindi ginagawa ang gawain ng paghahanda ng daan; dapat itong maunawaan ng lahat. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay nangangahulugan ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, at ang lahat ng ito ay tungkulin ng tao, na kailangang gawin ng tao, at walang anupamang kinalaman sa Diyos. Kung hinihiling ng tao na ang Diyos ay magdanas din ng pasakit at pagpipino sa katotohanan, katulad nang sa tao, kung gayon ang tao ay nagiging suwail. Ang gawain ng Diyos ay ang gampanan ang Kanyang ministeryo, at ang tungkulin ng tao ay ang sundin ang lahat ng paggabay ng Diyos, nang walang anumang paglaban. Yaong kailangang kamtin ng tao ay nararapat niyang tuparin, hindi alintana kung paano gumagawa o nabubuhay ang Diyos. Ang Diyos Mismo lamang ang maaaring magtalaga ng kinakailangan sa tao, na ibig sabihin, ang Diyos Mismo lamang ang naaangkop na magtalaga ng mga kinakailangan sa tao. Hindi dapat magkaroon ng anumang pagpili ang tao at walang dapat gawin kundi ang lubos na magpasakop at magsagawa; ito ang damdaming dapat taglayin ng tao. Sa sandaling matapos ang gawain ng Diyos Mismo, kailangan ng tao na ito ay maranasan, isa-isang hakbang. Kung, sa katapusan, kapag ang lahat ng pamamahala ng Diyos ay natapos na, at hindi pa rin nagawa ng tao yaong mga kinakailangan ng Diyos, kung gayon dapat parusahan ang tao. Kung hindi tinutugunan ng tao ang mga kinakailangan ng Diyos, kung gayon ito ay dahil sa hindi pagsunod ng tao; hindi ito nangangahulugan na ang Diyos ay hindi naging masusi sa Kanyang gawain. Ang lahat niyaong hindi maisasagawa ang salita ng Diyos, yaong mga hindi makakatupad sa mga kinakailangan ng Diyos, at yaong mga hindi makakapagbigay ng kanilang katapatan at makatupad sa kanilang mga tungkulin ay maparurusahang lahat. Ngayon, kung ano ang kinakailangan sa inyo na kamtin ay hindi mga karagdagang hinihingi, kundi ang tungkulin ng tao, at ang kailangang gawin ng lahat ng tao. Kung kayo ay walang kakayahan na gampanan man lamang ang inyong tungkulin, o magawa ito nang mainam, hindi ba’t pinahihirapan ninyo lamang ang inyong mga sarili? Hindi ba’t sinusuyo ninyo ang kamatayan? Paano pa kayo makakaasa na magkaroon ng hinaharap at mga posibilidad? Ang gawain ng Diyos ay ginagawa para sa kapakanan ng sangkatauhan, at ang pakikipagtulungan ng tao ay ibinibigay para sa kapakanan ng pamamahala ng Diyos. Pagkatapos na nagawa ng Diyos ang lahat ng nararapat Niyang gawin, ang tao ay kinakailangang maging pursigido sa kanyang pagsasagawa, at makipagtulungan sa Diyos. Sa gawain ng Diyos, ang tao ay hindi dapat magkulang sa pagsisikap, nararapat mag-alay ng kanyang katapatan, at hindi dapat magpasasa sa napakaraming kuru-kuro, o maupo nang walang-kibo at maghintay ng kamatayan. Kayang isakripisyo ng Diyos ang Kanyang Sarili para sa tao, kaya bakit hindi maibigay ng tao ang kanyang katapatan sa Diyos? May iisang puso at isip ang Diyos tungo sa tao, kaya bakit hindi makapag-alok ng kaunting pakikipagtulungan ang tao? Gumagawa ang Diyos para sa sangkatauhan, kaya bakit hindi magampanan ng tao ang ilan sa mga tungkulin niya para sa kapakanan ng pamamahala ng Diyos? Nakarating na ang gawain ng Diyos nang ganito kalayo, gayunman kayo ay nakakakita pa rin ngunit hindi kumikilos, kayo ay nakakarinig ngunit hindi gumagalaw. Hindi ba’t ang mga taong ganyan ay ang mga layon ng kapahamakan? Nailaan na ng Diyos ang Kanyang lahat para sa tao, kaya bakit, ngayon, hindi pa rin magampanan ng tao nang masigasig ang kanyang tungkulin? Para sa Diyos, ang Kanyang gawain ay ang Kanyang uunahin, at ang gawain ng Kanyang pamamahala ay ang pinakamahalaga. Para sa tao, ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagtupad sa mga kinakailangan Niya ay kanyang unang prayoridad. Ito ay dapat maunawaan ninyong lahat. Narating na ng mga salitang sinabi sa inyo ang kaibuturan ng inyong diwa, at nakapasok na ang gawain ng Diyos sa larangang hindi pa nito napapasok. Maraming tao ang hindi pa rin nakakaunawa sa totoo o sa kasinungalingan ng daan na ito; sila ay naghihintay pa rin at nagmamasid, at hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin. Sa halip, sinusuri nila ang bawat salita at kilos ng Diyos, sila ay nagtutuon ng pansin sa kung ano ang kinakain at isinusuot Niya, at ang kanilang mga kuru-kuro ay nagiging mas nakalulungkot. Hindi ba’t ang mga taong ganoon ay nababahala sa wala? Paanong mangyayari na ang mga taong iyon ay sila ring naghahangad sa Diyos? At paanong magiging sila ang mayroong intensiyong magpasakop sa Diyos? Isinasantabi nila ang kanilang katapatan at tungkulin sa kanilang mga isipan, at sa halip ay pinagtutuunan ng pansin ang mga kinaroroonan ng Diyos. Sila ay mga lapastangan! Kung naunawaan na ng tao ang lahat ng dapat niyang maunawaan, at naisagawa na ang lahat ng dapat niyang isagawa, kung gayon, ang Diyos ay tiyak na magkakaloob ng Kanyang mga pagpapala sa tao, sapagka’t yaong mga kinakailangan Niya sa tao ay ang tungkulin ng tao, at yaong dapat na gawin ng tao. Kung walang kakayahan ang tao na abutin kung ano ang dapat niyang maunawaan at walang kakayahan na isagawa ang dapat niyang isagawa, kung gayon ang tao ay maparurusahan. Yaong mga hindi nakikipagtulungan sa Diyos ay may galit sa Diyos, yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ay laban dito, kahit pa ang mga taong iyon ay hindi gumagawa niyaong lantad na paglaban dito. Ang lahat ng hindi nagsasagawa ng katotohanan na iniatas ng Diyos ay ang mga taong sinasadyang lumaban at hindi sumusunod sa mga salita ng Diyos, kahit pa ang mga taong ito ay nagbibigay ng natatanging pansin sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga tao na hindi sumusunod sa mga salita ng Diyos at hindi nagpapasakop sa Diyos ay mga mapanghimagsik, at kinakalaban nila ang Diyos. Ang mga taong hindi gumaganap sa kanilang tungkulin ay silang hindi nakikipagtulungan sa Diyos, at ang mga taong hindi nakikipagtulungan sa Diyos ay ang mga hindi tumatanggap sa gawain ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 157

Kapag naaabot ng gawain ng Diyos ang isang tiyak na punto, at ang pamamahala Niya ay nakaaabot sa isang tiyak na punto, ang mga malapit sa Kanyang puso ay lahat may kakayahang tuparin ang mga kinakailangan Niya. Nagtatalaga ang Diyos ng mga kinakailangan Niya sa tao ayon sa sarili Niyang mga pamantayan, at ayon doon sa kayang makamit ng tao. Habang nagsasalita tungkol sa Kanyang pamamahala, itinuturo rin Niya ang daan para sa tao, at pinagkakalooban ang tao ng landas para sa pananatiling buhay. Ang pamamahala ng Diyos at ang pagsasagawa ng tao ay nasa parehong yugto ng gawain at sabay na isinasakatuparan. Ang pagsasalita tungkol sa pamamahala ng Diyos ay may kinalaman sa mga pagbabago sa disposisyon ng tao, at ang mga pagsasalita tungkol sa kung ano ang dapat magawa ng tao at sa mga pagbabago sa disposisyon ng tao, ay nauugnay sa gawain ng Diyos; walang panahon kung kailan ang dalawang ito ay maaaring mapaghiwalay. Ang pagsasagawa ng tao ay nagbabago, baitang-baitang. Ito ay dahil ang mga kinakailangan ng Diyos sa tao ay nagbabago rin, at dahil ang gawain ng Diyos ay palaging nagbabago at sumusulong. Kung ang pagsasagawa ng tao ay nananatiling bihag ng doktrina, ito ay nagpapatunay na siya ay walang gawain at paggabay ng Diyos; kung ang pagsasagawa ng tao ay hindi kailanman nagbabago o lumalalim, kung gayon ito ay nagpapatunay na ang pagsasagawa ng tao ay isinasakatuparan ayon sa kalooban ng tao, at hindi ang pagsasagawa ng katotohanan; kung ang tao ay walang landas na tatahakin, kung gayon siya ay nahulog na sa mga kamay ni Satanas, at napipigilan ni Satanas, na nangangahulugang siya ay napipigilan ng masasamang espiritu. Kung ang pagsasagawa ng tao ay hindi lumalalim, ang gawain ng Diyos ay hindi mabubuo, at kung walang pagbabago sa gawain ng Diyos, kung gayon ang pagpasok ng tao ay mahihinto; hindi ito maiiwasan. Sa kabuuan ng lahat ng gawain ng Diyos, kung ang tao ay laging sumunod sa kautusan ni Jehova, kung gayon ang gawain ng Diyos ay hindi makakasulong, lalong hindi magiging posible na dalhin ang buong kapanahunan sa katapusan. Kung ang tao ay palaging nakahawak lamang sa krus at nagsagawa ng pagtitiis at pagpapakumbaba, kung gayon magiging imposible para sa gawain ng Diyos na magpatuloy sa pagsulong. Ang anim na libong taon ng pamamahala ay hindi basta-basta matatapos sa gitna ng mga taong sumusunod lamang sa kautusan, o kumakapit lamang sa krus at nagsasagawa ng pagtitiis at pagpapakumbaba. Sa halip, ang buong gawain ng pamamahala ng Diyos ay natatapos sa gitna niyaong nasa mga huling araw, na nakakakilala sa Diyos, na nabawi na mula sa mga kamay ni Satanas at lubusang naalis na ang kanilang mga sarili mula sa impluwensya ni Satanas. Ito ang hindi maiiwasang patutunguhan ng gawain ng Diyos. Bakit sinasabi na lipas na sa panahon ang mga pagsasagawa ng mga nasa relihiyosong iglesia? Ito ay dahil ang kanilang isinasagawa ay hiwalay mula sa mga gawain ngayon. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang kanilang isinasagawa ay tama, ngunit habang lumilipas ang kapanahunan at nagbabago ang gawain ng Diyos, ang mga pagsasagawa nila ay unti-unti na ring nilipasan ng panahon. Ito ay naiwan na ng bagong gawain at ng bagong liwanag. Batay sa orihinal nitong saligan, ang gawain ng Banal na Espiritu ay nakasulong na ng maraming hakbang na palalim. Ngunit ang mga taong yaon ay nananatili pa ring nakadikit sa orihinal na yugto ng gawain ng Diyos, at kumakapit pa rin sa mga lumang pagsasagawa at sa lumang liwanag. Maaaring magbago nang malaki ang gawain ng Diyos sa paglipas ng tatlo o limang taon, kaya hindi ba’t mas malaki pang mga pagbabago ang mangyayari sa loob ng 2,000 taon? Kung ang tao ay walang bagong liwanag o pagsasagawa, ito ay nangangahulugang siya ay hindi na nakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu. Ito ang pagkabigo ng tao; ang pag-iral ng bagong gawain ng Diyos ay hindi maipagkakaila dahil, ngayon, ang mga dati nang nakaranas ng gawain ng Banal na Espiritu ay sumusunod pa rin sa mga lumang pagsasagawa. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay laging sumusulong, at ang lahat ng nasa agos ng Banal na Espiritu ay nararapat ding sumusulong palalim at nagbabago baitang-baitang. Hindi sila dapat tumigil sa isang yugto. Ang mga hindi lamang nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu ang mananatili sa kalagitnaan ng Kanyang orihinal na gawain, at hindi tatanggapin ang bagong gawain ng Banal na Espiritu. Tanging ang mga masuwayin ang hindi makakayanang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung ang pagsasagawa ng tao ay hindi sumasabay sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, ang pagsasagawa ng tao ay tiyak na napuputol mula sa gawain ngayon at siguradong hindi kaayon ng gawain ngayon. Ang gayong mga taong lipas na sa panahon ay talagang walang kakayahang tuparin ang kalooban ng Diyos, at lalo nang hindi sila maaaring maging mga tao na tatayong patotoo sa Diyos sa huli. Ang buong gawaing pamamahala, higit pa rito, ay hindi matatapos sa kalagitnaan ng ganoong kalipunan ng mga tao. Sapagka’t yaong mga dating kumapit sa kautusan ni Jehova, at yaong mga minsang nagdusa dahil sa krus, kung hindi nila matatanggap ang yugto ng gawain ng mga huling araw, kung gayon ang lahat ng kanilang ginawa ay mawawalan ng saysay, at walang kabuluhan. Ang pinakamalinaw na pagpapahayag ng gawain ng Banal na Espiritu ay nasa pagyakap sa naririto ngayon, hindi pagkapit sa nakaraan. Yaong mga hindi na nakasabay sa gawain ng ngayon, at silang mga napahiwalay na mula sa pagsasagawa ng ngayon, ay yaong mga lumalaban at hindi tumatanggap sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong iyon ay lumalaban sa kasalukuyang gawain ng Diyos. Bagama’t kumakapit sila sa liwanag ng nakaraan, hindi maitatatwa na hindi nila alam ang gawain ng Banal na Espiritu. Bakit mayroong mga usapan tungkol sa mga pagbabago sa pagsasagawa ng tao, sa mga pagkakaiba sa pagsasagawa sa pagitan ng nakalipas at ngayon, kung paanong ang pagsasagawa ay isinakatuparan sa nakaraang kapanahunan, at kung paano ito isinasagawa ngayon? Ang ganoong paghahati-hati sa pagsasagawa ng tao ay laging sinasalita dahil ang gawain ng Banal na Espiritu ay patuloy na sumusulong, at sa gayon, ang pagsasagawa ng tao ay kailangan ding patuloy na magbago. Kung ang tao ay nananatiling nakakapit sa isang yugto, kung gayon ito ay nagpapatunay na wala siyang kakayahan sa pagsabay sa bagong gawain ng Diyos at bagong liwanag; hindi ito nagpapatunay na ang plano sa pamamahala ng Diyos ay hindi na nagbago. Yaong mga nasa labas ng agos ng Banal na Espiritu ay laging nag-iisip na sila ay tama, ngunit sa katunayan, ang gawain ng Diyos sa kanila ay matagal nang tumigil, at ang gawain ng Banal na Espiritu ay wala sa kanila. Ang gawain ng Diyos ay matagal nang inilipat sa isa pang kalipunan ng mga tao, isang kalipunan kung kanino Niya hinahangad na tapusin ang Kanyang bagong gawain. Dahil yaong mga nasa relihiyon ay walang kakayahang tanggapin ang bagong gawain ng Diyos, at kumakapit lamang sa lumang gawain ng nakaraan, kaya’t tinalikuran na Niya ang mga taong ito, at ginagawa ang Kanyang bagong gawain sa mga taong tumatanggap sa bagong gawaing ito. Ang mga ito ay mga tao na nakikipagtulungan sa bago Niyang gawain, at tanging sa paraang ito matutupad ang Kanyang pamamahala. Ang pamamahala ng Diyos ay palaging sumusulong, at ang pagsasagawa ng tao ay palaging umaakyat pataas. Gumagawa lagi ang Diyos, at laging nangangailangan ang tao, sa gayon kapwa nila nararating ang kanilang tugatog at ang Diyos at ang tao ay nakakamit ang ganap na pagsasanib. Ito ang pagpapahayag ng katuparan ng gawain ng Diyos, at ito ang pangwakas na kinalabasan ng buong pamamahala ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 158

Sa bawat yugto ng gawain ng Diyos mayroon ding katumbas na mga kinakailangan sa tao. Lahat niyaong nasa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nagtataglay ng presensiya at disiplina ng Banal na Espiritu, at yaong mga wala sa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nasa ilalim ng pamumuno ni Satanas, at walang anumang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga tao na nasa agos ng Banal na Espiritu ay yaong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos, at nakikipagtulungan sa bagong gawain ng Diyos. Kung yaong mga nasa loob ng agos na ito ay walang kakayahang makipagtulungan, at walang kakayahang isagawa ang katotohanan na kinakailangan ng Diyos sa panahong ito, kung gayon sila ay didisiplinahin, at ang pinakamalala ay tatalikuran ng Banal na Espiritu. Yaong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, ay mamumuhay sa loob ng agos ng Banal na Espiritu, at tatanggapin nila ang pangangalaga at pag-iingat ng Banal na Espiritu. Yaong mga handang isagawa ang katotohanan ay nililiwanagan ng Banal na Espiritu, at yaong mga hindi handa na isagawa ang katotohanan ay dinidisiplina ng Banal na Espiritu, at maaari pang maparusahan. Hindi alintana kung anong uri ng tao sila, basta’t sila ay nasa loob ng agos ng Banal na Espiritu, pananagutan ng Diyos ang lahat ng tumatanggap sa bagong gawain Niya para sa kapakanan ng Kanyang pangalan. Ang mga lumuluwalhati sa Kanyang pangalan at handang isagawa ang mga salita Niya ay makakatanggap ng Kanyang mga pagpapala; ang mga hindi sumusunod sa Kanya at hindi nagsasagawa ng Kanyang mga salita ay makakatanggap ng Kanyang kaparusahan. Ang mga tao na nasa agos ng Banal na Espiritu ay ang mga tumatanggap sa bagong gawain, at yamang natanggap na nila ang bagong gawain, sila ay nararapat na angkop na makipagtulungan sa Diyos, at hindi dapat kumilos na parang mga suwail na hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin. Ito ang tanging kinakailangan ng Diyos sa tao. Hindi ganoon para sa mga taong hindi tumatanggap sa bagong gawain: Sila ay nasa labas ng agos ng Banal na Espiritu, at ang disiplina at paninisi ng Banal na Espiritu ay hindi para sa kanila. Buong araw, ang mga taong ito ay namumuhay sa loob ng laman, sila ay namumuhay sa loob ng kanilang mga isipan, at ang lahat ng ginagawa nila ay ayon sa doktrinang bunga ng paghihimay at pananaliksik ng kanilang sariling mga utak. Hindi ito ang hinihingi ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, at lalong hindi ito pakikipagtulungan sa Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay walang presensiya ng Diyos, at, higit sa lahat, salat sa mga pagpapala at pag-iingat ng Diyos. Ang karamihan sa kanilang mga salita at mga pagkilos ay nakaayon sa mga nakalipas na mga kinakailangan ng gawain ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay doktrina, hindi katotohanan. Ang gayong doktrina at alituntunin ay sapat na upang patunayan na ang pagtitipon ng mga taong ito ay walang iba kundi relihiyon; hindi sila ang mga hinirang, o ang mga pinag-uukulan ng gawain ng Diyos. Ang pagtitipon nilang lahat na magkakasama ay matatawag lamang na maringal na kongreso ng relihiyon, at hindi matatawag na iglesia. Ito ay isang katunayan na hindi mababago. Wala sa kanila ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; ang kanilang ginagawa ay tila samyo-ng-relihiyon, ang kanilang isinasabuhay ay tila sagana sa relihiyon; hindi sila nagtataglay ng presensiya at gawain ng Banal na Espiritu, lalo nang hindi sila karapat-dapat na tumanggap ng disiplina o kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Lahat ng taong ito ay mga walang-buhay na bangkay, at mga uod na walang pagka-espirituwal. Wala silang kaalaman sa pagka-mapanghimagsik at paglaban ng tao, walang kaalaman sa lahat ng masasamang gawa ng tao, lalong wala silang kaalaman sa lahat ng gawain ng Diyos at kasalukuyang kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang alam, mabababang tao, at sila ay mga hamak na hindi nararapat tawaging mananampalataya! Wala sa kanilang mga ginagawa ang may kinalaman sa pamamahala ng Diyos, lalong hindi nito masisira ang mga plano ng Diyos. Ang mga salita at pagkilos nila ay nakasusuklam, nakakaawa, at talagang hindi karapat-dapat banggitin. Wala sa anumang ginawa niyaong mga wala sa agos ng Banal na Espiritu ang may anumang kinalaman sa bagong gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, kahit na ano ang kanilang gawin, sila ay walang disiplina ng Banal na Espiritu, at, higit sa lahat, walang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Dahil lahat sila ay mga taong walang pag-ibig para sa katotohanan, at sila ay kinamuhian at natanggihan na ng Banal na Espiritu. Sila ay tinatawag na makasalanan dahil sila ay lumalakad sa laman at ginagawa kung ano ang kanilang nais sa ilalim ng karatula ng Diyos. Habang gumagawa ang Diyos, sila ay sadyang palaban sa Kanya, at tumatakbo sa kasalungat na patutunguhan sa Kanya. Ang hindi pakikipagtulungan ng tao sa Diyos ay sukdulang mapanghimagsik sa ganang sarili, kaya’t hindi ba ang mga taong sadyang sumasalungat sa Diyos ay partikular na tinatanggap nila ang nararapat na kaparusahan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 159

Kailangan ninyong malaman ang mga pangitain ng gawain ng Diyos at maintindihan ang pangkalahatang direksyon ng Kanyang gawain. Ito ay positibong pagpasok. Kapag naisaulo na ninyo nang tumpak ang katotohanan ng mga pangitain, magiging sigurado ang iyong pagpasok; paano man magbago ang gawain ng Diyos, mananatiling matatag ang iyong puso, magiging malinaw sa iyo ang mga pangitain, at magkakaroon ng layunin ang iyong pagpasok at iyong pinagsisikapan. Sa ganitong paraan, lahat ng karanasan at kaalaman sa iyong kalooban ay mas lalalim at magiging mas detalyado. Kapag naintindihan mo na ang mas malaking larawan sa kabuuan nito, hindi ka daranas ng anumang mga kawalan sa buhay, ni hindi ka maliligaw ng landas. Kung hindi mo malalaman ang mga hakbang na ito ng gawain, daranas ka ng kawalan sa bawat hakbang, at aabutin ka ng ilang araw para makabawi, ni hindi mo magagawang tumahak sa tamang landas kahit sa loob ng dalawang linggo. Hindi ba ito magsasanhi ng mga pagkaantala? Napakaraming hadlang sa positibong pagpasok at pagsasagawang kailangan mong maisaulo. Patungkol sa mga pangitain ng gawain ng Diyos, kailangan mong maintindihan ang sumusunod na mga punto: ang kahalagahan ng Kanyang gawain ng panlulupig, ang landas tungo sa pagiging perpekto sa hinaharap, ano ang kailangang makamtan sa pamamagitan ng pagdanas ng mga pagsubok at pagdurusa, ang kabuluhan ng paghatol at pagkastigo, ang mga prinsipyo sa likod ng gawain ng Banal na Espiritu, at ang mga prinsipyo sa likod ng pagiging perpekto at paglupig. Lahat ng ito ay nabibilang sa katotohanan ng mga pangitain. Ang iba pa ay ang tatlong yugto ng gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, sa Kapanahunan ng Biyaya, at sa Kapanahunan ng Kaharian, gayundin sa patotoo sa hinaharap. Ang mga ito ay katotohanan din tungkol sa mga pangitain, at ang mga ito ang pinakapangunahin at ang pinakamahalaga rin. Sa kasalukuyan, napakarami ninyong dapat pasukin at isagawa, at mas patung-patong ito at mas detalyado. Kung wala kang walang kaalaman tungkol sa mga katotohanang ito, pinatutunayan nito na hindi ka pa nakakapasok. Kadalasan, ang kaalaman ng tao tungkol sa katotohanan ay napakababaw; hindi nila maisagawa ang ilang pangunahing katotohanan at hindi nila alam kung paano harapin maging ang walang-kuwentang mga bagay. Hindi naisasagawa ng mga tao ang katotohanan dahil suwail ang kanilang disposisyon, at dahil ang kanilang kaalaman tungkol sa gawain sa ngayon ay napakababaw at may pinapanigan. Sa gayon, hindi madaling gawing perpekto ang mga tao. Napakasuwail mo, at pinananaig mo ang dati mong pagkatao; hindi ka makapanindigan sa panig ng katotohanan, at hindi mo maisagawa kahit ang pinakamaliwanag sa mga katotohanan. Ang gayong mga tao ay hindi maililigtas at sila yaong hindi pa nalupig. Kung ang iyong pagpasok ay walang detalye ni mga layunin, magiging mabagal ang paglago para sa iyo. Kung wala ni katiting na realidad sa iyong pagpasok, ang iyong pinagsisikapan ay mawawalan ng kabuluhan. Kung hindi mo alam ang diwa ng katotohanan, hindi ka magbabago. Ang paglago sa buhay ng tao at mga pagbabago sa kanyang disposisyon ay nakakamtan sa pagpasok sa realidad at, bukod pa riyan, sa pamamagitan ng pagpasok sa detalyadong mga karanasan. Kung marami kang detalyadong karanasan sa iyong pagpasok, at marami kang aktwal na kaalaman at pagpasok, mabilis na magbabago ang iyong disposisyon. Kahit hindi ka pa ganap na nalilinawan, sa kasalukuyan, tungkol sa pagsasagawa, kailangan mong malinawan man lamang ang mga pangitain ng gawain ng Diyos. Kung hindi, hindi ka makakapasok; posible lamang ang pagpasok kapag mayroon kang kaalaman tungkol sa katotohanan. Kung nililiwanagan ka ng Banal na Espiritu sa iyong karanasan, saka ka lamang magtatamo ng mas malalim na pagkaunawa sa katotohanan, at makakapasok nang mas malalim. Kailangan mong malaman ang gawain ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 160

Sa simula, pagkaraan ng paglikha sa sangkatauhan, ang mga Israelita ang nagsilbing batayan ng gawain ng Diyos. Ang buong Israel ang naging batayan ng gawain ni Jehova sa lupa. Ang gawain ni Jehova ay upang direktang akayin at gabayan ang tao sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga batas, upang ang tao ay makapamuhay nang normal at sumamba kay Jehova sa normal na paraan sa lupa. Ang Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nakikita ni nahihipo ng tao. Dahil lahat ng Kanyang ginawa ay upang gabayan ang pinakaunang mga taong ginawang tiwali ni Satanas, na tinuturan at inaakay sila, ang Kanyang mga salita ay walang ibang naging laman kundi mga batas, kautusan, at pamantayan ng pag-uugali ng tao, at hindi ibinigay sa kanila ang mga katotohanan ng buhay. Ang mga Israelita sa ilalim ng Kanyang pamumuno ay di-gaanong nagawang tiwali ni Satanas. Ang Kanyang gawain ng kautusan ay pinakaunang yugto lamang sa gawain ng pagliligtas, ang pinakasimula ng gawain ng pagliligtas, at wala talagang kinalaman sa mga pagbabago sa disposisyon sa buhay ng tao. Samakatuwid, hindi kinailangan sa simula ng gawain ng pagliligtas na Siya ay magkatawang-tao para sa Kanyang gawain sa Israel. Ito ang dahilan kaya Niya kinailangan ng isang daluyan—isang kasangkapan—na magagamit upang makipag-ugnayan sa tao. Sa gayon, lumitaw sa kalagitnaan ng mga nilalang yaong mga nangusap at gumawa sa ngalan ni Jehova, kung paanong ang mga anak ng tao at ang mga propeta ay nakagawa sa tao. Ang mga anak ng tao ay gumawa sa tao sa ngalan ni Jehova. Ang matawag ni Jehova na “mga anak ng tao” ay nangangahulugan na ang gayong mga tao ay nagpahayag ng mga batas sa ngalan ni Jehova. Mga saserdote rin sila sa mga tao ng Israel, mga saserdoteng binantayan at pinrotektahan ni Jehova, at sa kanila gumawa ang Espiritu ni Jehova; sila ang mga pinuno sa mga tao at tuwirang naglingkod kay Jehova. Ang mga propeta, sa kabilang dako naman, ay nakatuon sa pagsasalita, sa ngalan ni Jehova, sa mga tao mula ng lahat ng lupain at tribo. Sila rin yaong mga nagpropesiya sa gawain ni Jehova. Mga anak man sila ng tao o mga propeta, lahat ay ibinangon ng Espiritu ni Jehova Mismo at nasa kanila ang gawain ni Jehova. Sa mga tao, sila yaong mga tuwirang kumatawan kay Jehova; ginawa lamang nila ang kanilang gawain dahil ibinangon sila ni Jehova at hindi dahil nagkatawang-tao sa kanila ang Banal na Espiritu Mismo. Samakatuwid, bagama’t pareho silang nagsasalita at gumagawa sa ngalan ng Diyos, yaong mga anak ng tao at yaong mga propeta sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya at ang huling yugto ay ang kabaligtaran mismo, sapagkat ang gawain ng pagliligtas at paghatol sa tao ay kapwa isinagawa ng Diyos na nagkatawang-tao Mismo, kaya nga talagang hindi na kailangang minsan pang magbangon ng mga propeta at ng mga anak ng tao upang gumawa sa ngalan Niya. Sa mga mata ng tao, walang malalaking pagkakaiba sa pagitan ng diwa at pamamaraan ng kanilang gawain. At sa ganitong kadahilanan kaya laging napagkakamalan ng tao ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao na gawain ng mga propeta at ng mga anak ng tao. Ang pagpapakita ng Diyos na nagkatawang-tao ay halos kapareho ng sa mga propeta at sa mga anak ng tao. At ang Diyos na nagkatawang-tao ay mas normal at mas totoo pa nga kaysa sa mga propeta. Sa gayon, ang tao ay walang kakayahang matukoy ang pagkakaiba nila. Ang tao ay nagtutuon lamang sa mga anyo, na lubos na hindi namamalayan na, kahit pareho silang gumagawa at nagsasalita, may malaking pagkakaiba sa pagitan nila. Dahil napakaliit ng kakayahan ng tao na matukoy ang pagkakaiba nila, hindi niya kayang makatukoy sa pagitan ng mga simpleng isyu, lalo na sa isang bagay na napakakumplikado. Nang magsalita at gumawa ang mga propeta at ang mga taong iyon na kinasangkapan ng Banal na Espiritu, iyon ay upang isagawa ang mga tungkulin ng tao, upang maglingkod sa tungkulin ng isang nilalang, at iyon ay isang bagay na kailangang gawin ng tao. Gayunman, ang mga salita at gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang isakatuparan ang Kanyang ministeryo. Bagama’t ang Kanyang panlabas na anyo ay sa isang nilalang, ang Kanyang gawain ay hindi upang isagawa ang Kanyang tungkulin kundi ang Kanyang ministeryo. Ang katagang “tungkulin” ay ginagamit patungkol sa mga nilalang, samantalang ang “ministeryo” ay ginagamit patungkol sa laman ng Diyos na nagkatawang-tao. May isang mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng dalawa; hindi sila maaaring pagpalitin. Ang gawain ng tao ay gawin lamang ang kanyang tungkulin, samantalang ang gawain ng Diyos ay mamahala, at isakatuparan ang Kanyang ministeryo. Samakatuwid, bagama’t maraming apostol ang kinasangkapan ng Banal na Espiritu at maraming propeta ang napuspos sa Kanya, ang kanilang gawain at mga salita ay para lamang gampanan ang kanilang tungkulin bilang mga nilalang. Ang kanilang mga propesiya ay maaaring higit pa sa daan ng buhay na binanggit ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang kanilang pagkatao ay maaaring higit pa kaysa sa Diyos na nagkatawang-tao, ngunit ginawa pa rin nila ang kanilang tungkulin, at hindi sila nagsagawa ng isang ministeryo. Ang tungkulin ng tao ay tumutukoy sa tungkulin ng tao; iyon ang kayang makamtan ng tao. Gayunman, ang ministeryong isinagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay may kaugnayan sa Kanyang pamamahala, at hindi ito kayang makamtan ng tao. Nagsasalita man ang Diyos na nagkatawang-tao, gumagawa, o nagpapakita ng mga himala, gumagawa Siya ng dakilang gawain sa gitna ng Kanyang pamamahala, at ang gayong gawain ay hindi magagawa ng tao bilang kahalili Niya. Ang gawain ng tao ay ang gawin lamang ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang sa isang partikular na yugto ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Kung wala ang pamamahala ng Diyos, ibig sabihin, kung mawawala ang ministeryo ng Diyos na nagkatawang-tao, mawawala rin ang tungkulin ng isang nilalang. Ang gawain ng Diyos sa pagsasakatuparan ng Kanyang ministeryo ay ang pamahalaan ang tao, samantalang ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ay pagtupad sa kanyang sariling obligasyon na tugunan ang mga hinihiling ng Lumikha, at hindi maituturing sa anumang paraan na pagsasagawa ng ministeryo ng isang tao. Sa likas na diwa ng Diyos—sa Kanyang Espiritu—ang gawain ng Diyos ay ang Kanyang pamamahala, ngunit sa Diyos na nagkatawang-tao, na suot ang panlabas na anyo ng isang nilalang, ang Kanyang gawain ay ang pagsasagawa ng Kanyang ministeryo. Anumang gawain ang Kanyang ginagawa ay upang isagawa ang Kanyang ministeryo; ang tanging magagawa ng tao ay gawin ang kanyang makakaya sa loob ng saklaw ng pamamahala ng Diyos at sa ilalim ng Kanyang patnubay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 161

Sa Kapanahunan ng Biyaya, sumambit din si Jesus ng maraming salita at gumawa ng maraming gawain. Paano Siya naiba kay Isaias? Paano Siya naiba kay Daniel? Isa ba Siyang propeta? Bakit sinasabi na Siya si Cristo? Ano ang mga pagkakaiba sa pagitan nila? Sila ay pawang mga taong sumambit ng mga salita, at ang kanilang mga salita humigit-kumulang ay mukhang magkakapareho sa tao. Lahat sila ay sumambit ng mga salita at gumawa ng gawain. Ang mga propeta ng Lumang Tipan ay sumambit ng mga propesiya, at gayundin, kaya iyon ni Jesus. Bakit ganito? Ang pagkakaiba rito ay batay sa likas na katangian ng gawain. Para mahiwatigan ang bagay na ito, huwag mong isaalang-alang ang likas na katangian ng laman, ni hindi mo dapat isaalang-alang ang kalaliman o kababawan ng kanilang mga salita. Kailangan mo palaging isaalang-alang muna ang kanilang gawain at ang mga epekto ng kanilang gawain sa tao. Ang mga propesiyang sinambit ng mga propeta sa panahong iyon ay hindi tinustusan ang buhay ng tao, at ang mga inspirasyong tinanggap ng mga katulad nina Isaias at Daniel ay mga propesiya lamang, at hindi ang daan ng buhay. Kung hindi dahil sa tuwirang paghahayag ni Jehova, walang sinumang makagagawa ng gawaing iyon, na hindi posible para sa mga mortal. Sumambit din si Jesus ng maraming salita, ngunit ang gayong mga salita ay ang daan ng buhay kung saan makasusumpong ang tao ng isang landas ng pagsasagawa. Ibig sabihin, una, maaari Niyang tustusan ang buhay ng tao, sapagkat si Jesus ang buhay; pangalawa, maaari Niyang baligtarin ang mga paglihis ng tao; pangatlo, ang Kanyang gawain ay maaaring sumunod sa gawain ni Jehova para ipagpatuloy ang kapanahunan; pang-apat, maaari Niyang maintindihan ang mga pangangailangan sa kalooban ng tao at maunawaan kung ano ang kulang sa tao; panlima, maaari Niyang pasimulan ang isang bagong kapanahunan at wakasan ang dati. Kaya nga Siya tinatawag na Diyos at Cristo; hindi lamang Siya iba kay Isaias kundi maging sa lahat ng iba pang mga propeta. Ikumpara natin si Isaias para sa gawain ng mga propeta. Una, hindi niya kayang tustusan ang buhay ng tao; pangalawa, hindi niya kayang magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Gumagawa siya noon sa ilalim ng pamumuno ni Jehova at hindi para magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Pangatlo, ang mga salitang kanyang sinambit ay higit pa sa kaya niyang sambitin. Tuwiran siyang tumatanggap noon ng mga paghahayag mula sa Espiritu ng Diyos, at hindi ito mauunawaan ng iba, kahit napakinggan nila ang mga ito. Ang ilang bagay na ito lamang ay sapat na upang patunayan na ang kanyang mga salita ay mga propesiya lamang, isang aspeto lamang ng gawaing ginawa sa ngalan ni Jehova. Gayunman, hindi niya kayang lubos na katawanin si Jehova. Siya ay lingkod ni Jehova, isang kasangkapan sa gawain ni Jehova. Ginagawa lamang niya ang gawain sa loob ng Kapanahunan ng Kautusan at sa loob ng saklaw ng gawain ni Jehova; hindi siya gumawa nang lampas pa sa Kapanahunan ng Kautusan. Bagkus, iba ang gawain ni Jesus. Nilagpasan Niya ang saklaw ng gawain ni Jehova; gumawa Siya bilang Diyos na nagkatawang-tao at ipinako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Ibig sabihin, nagsagawa Siya ng bagong gawaing bukod sa gawaing ginawa ni Jehova. Ito ang pagpapasimula ng isang bagong kapanahunan. Dagdag pa rito, nagawa Niyang banggitin yaong hindi kayang makamtan ng tao. Ang Kanyang gawain ay gawain sa loob ng pamamahala ng Diyos at sakop ang buong sangkatauhan. Hindi Siya gumawa sa iilang tao lamang, ni hindi layon ng Kanyang gawain na pamunuan ang limitadong bilang ng mga tao. Hinggil sa kung paano nagkatawang-tao ang Diyos bilang isang tao, paano nagbigay ng mga paghahayag ang Espiritu sa panahong iyon, at paano bumaba ang Espiritu sa isang tao upang gumawa ng gawain—ito ay mga bagay na hindi nakikita o nahihipo ng tao. Lubos na imposibleng magsilbing patunay ang mga katotohanang ito na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao. Sa gayon, ang pagkakaiba ay makikita lamang sa mga salita at gawain ng Diyos, na nahihipo ng tao. Ito lamang ang totoo. Ito ay dahil ang mga bagay ng Espiritu ay hindi mo nakikita at malinaw lamang na nalalaman ng Diyos Mismo, at kahit ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay hindi alam ang lahat; mapapatunayan mo lamang kung Siya ang Diyos mula sa gawaing Kanyang nagawa. Mula sa Kanyang gawain, makikita na, una, nagagawa Niyang magbukas ng isang bagong kapanahunan; pangalawa, nagagawa Niyang tustusan ang buhay ng tao at ipakita sa tao ang daang susundan. Sapat na ito upang mapagtibay na Siya ang Diyos Mismo. Kahit paano, ang gawaing Kanyang ginagawa ay kayang lubos na katawanin ang Espiritu ng Diyos, at mula sa gawaing iyon ay makikita na ang Espiritu ng Diyos ay nasa loob Niya. Dahil ang gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao una sa lahat ay para magpasimula ng isang bagong kapanahunan, mamahala sa bagong gawain, at magbukas ng isang bagong kaharian, ang mga ito lamang ay sapat na upang magpatunay na Siya ang Diyos Mismo. Sa gayon ay ipinapakita nito ang kaibhan Niya kina Isaias, Daniel, at iba pang dakilang mga propeta. Sina Isaias, Daniel, at ang iba pa ay pawang nasa uri ng mga taong mataas ang pinag-aralan at edukado; sila ay katangi-tanging mga tao sa ilalim ng pamumuno ni Jehova. Ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay maalam din at may katinuan, ngunit ang Kanyang pagkatao ay partikular na normal. Siya ay isang ordinaryong tao, at hindi mahiwatigan ng paningin ang anumang espesyal na pagkatao tungkol sa Kanya o matukoy ang anuman sa Kanyang pagkatao na hindi kagaya ng sa iba. Ni hindi man lamang Siya higit-sa-karaniwan o natatangi, at hindi mataas ang Kanyang pinag-aralan, kaalaman, o teorya. Ang buhay na Kanyang binanggit at ang landas na Kanyang tinahak ay hindi nakamit sa pamamagitan ng teorya, kaalaman, karanasan sa buhay, o pagpapalaki ng pamilya. Sa halip, ang mga ito ang tuwirang gawain ng Espiritu, na siyang gawain ng nagkatawang-taong laman. Ito ay dahil ang tao ay may malalaking kuru-kuro tungkol sa Diyos, at partikular na dahil ang mga kuru-kuro na ito ay binubuo ng napakaraming elementong higit-sa-karaniwan kaya, sa paningin ng tao, ang isang normal na Diyos na may kahinaan ng tao, na hindi makagawa ng mga tanda at himala, ay tiyak na hindi Diyos. Hindi ba maling mga kuru-kuro ng tao ang mga ito? Kung ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay hindi isang normal na tao, paano masasabing Siya ay naging tao? Ang maging tao ay ang maging isang ordinaryo at normal na tao; kung Siya ay higit pa sa normal na nilalang, hindi sana Siya naging tao. Para patunayan na Siya ay may katawang-tao, kinailangang magtaglay ng Diyos na nagkatawang-tao ng normal na katawan. Ito ay para lamang makumpleto ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao. Gayunman, hindi ganito ang nangyari sa mga propeta at sa mga anak ng tao. Sila ay matatalinong tao na kinasangkapan ng Banal na Espiritu; sa paningin ng tao, ang kanilang pagkatao ay partikular na dakila, at marami silang ginampanang gawain na higit pa sa normal na pagkatao. Dahil dito, itinuring sila ng tao na Diyos. Ngayon ay kailangan ninyong lahat na maunawaan ito nang malinaw, sapagkat matagal nang usapin ito na pinakamadaling makalito sa lahat ng tao sa nagdaang mga kapanahunan. Dagdag pa rito, ang pagkakatawang-tao ang pinakamahiwaga sa lahat ng bagay, at ang Diyos na nagkatawang-tao ang pinakamahirap tanggapin ng tao. Ang Aking sinasabi ay nakakatulong sa pagtupad sa inyong tungkulin at sa pag-unawa ninyo sa hiwaga ng pagkakatawang-tao. Lahat ng ito ay may kaugnayan sa pamamahala ng Diyos, sa mga pangitain. Ang inyong pagkaunawa rito ay magiging mas kapaki-pakinabang sa pagtatamo ng kaalaman tungkol sa mga pangitain, ibig sabihin, sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sa ganitong paraan, magtatamo rin kayo ng higit na pagkaunawa sa tungkuling dapat gampanan ng iba’t ibang klase ng mga tao. Bagama’t ang mga salitang ito ay hindi tuwirang nagpapakita sa inyo ng landas, malaking tulong pa rin ang mga ito sa inyong pagpasok, sapagkat ang inyong buhay sa kasalukuyan ay kulang na kulang sa mga pangitain, at magiging mahalagang balakid ito na pipigil sa inyong pagpasok. Kung hindi ninyo naunawaan ang mga isyung ito, walang motibong magtutulak sa inyong pagpasok. At paano kayo pinakamainam na mabibigyan ng kakayahan ng gayong pagsisikap na matupad ang inyong tungkulin?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 162

Ang ibang tao ay magtatanong, “Ano ang pagkakaiba ng gawaing isinagawa ng nagkatawang-taong Diyos sa gawain ng mga propeta at mga apostol noon? Si David ay tinawag din na Panginoon, gayundin si Jesus; bagaman magkaiba ang gawaing kanilang isinagawa, magkatulad ang itinawag sa kanila. Sabihin mo sa akin, bakit magkaiba ang kanilang pagkakakilanlan? Ang nasaksihan ni Juan ay isang pangitain, na nagmula rin sa Banal na Espiritu, at nasabi niya ang mga salitang balak sabihin ng Banal na Espiritu; bakit magkaiba ang pagkakakilanlan ni Juan at ni Jesus?” Ang mga salitang sinabi ni Jesus ay nagawang ganap na kumatawan sa Diyos, at ganap na kumatawan sa gawain ng Diyos. Ang nakita ni Juan ay isang pangitain, at wala siyang kakayahan na ganap na kumatawan sa gawain ng Diyos. Bakit nagpahayag ng maraming salita sina Juan, Pedro, at Pablo, gaya ni Jesus, ngunit hindi pareho ang pagkakakilanlan nila kay Jesus? Ito ay pangunahing dahil ang gawaing kanilang ginawa ay magkaiba. Kinatawan ni Jesus ang Espiritu ng Diyos at Siya ang Espiritu ng Diyos na direktang gumagawa. Ginawa Niya ang gawain ng bagong kapanahunan, ang gawain na wala pang nakagagawa. Nagbukas Siya ng bagong daan, kinatawan Niya si Jehova, at kinatawan Niya ang Diyos Mismo. Samantalang sina Pedro, Pablo, at David, anuman ang tawag sa kanila, ay kinatawan lamang ang pagkakakilanlan ng isang nilalang ng Diyos, at ipinadala ni Jesus o ni Jehova. Kaya gaano man karami ang gawaing kanilang isinagawa, gaano man kadakila ang mga himalang kanilang ginawa, sila pa rin ay mga nilalang lamang ng Diyos, at walang kakayahang kumatawan sa Espiritu ng Diyos. Sila ay gumawa sa ngalan ng Diyos o matapos ipadala ng Diyos; higit pa rito, sila ay gumawa sa mga kapanahunang sinimulan ni Jesus o ni Jehova, at hindi sila gumawa ng iba pang gawain. Sila ay, matapos ang lahat, mga nilalang lamang ng Diyos. Sa Lumang Tipan, maraming propeta ang nagpahayag ng mga hula, o nagsulat ng mga aklat ng propesiya. Walang nagsabi na sila ang Diyos, ngunit nang sandaling nagsimulang gumawa si Jesus, ang Espiritu ng Diyos ay nagpatotoo sa Kanya bilang Diyos. Bakit ganoon? Sa puntong ito, dapat ay alam mo na! Noon, ang mga apostol at propeta ay nagsulat ng iba’t ibang kalatas, at gumawa ng maraming propesiya. Kalaunan, pumili ang mga tao ng ilan sa mga ito upang ilagay sa Bibliya, at ang ilan ay nawala. Dahil may mga taong nagsasabi na ang lahat ng kanilang sinabi ay nagmula sa Banal na Espiritu, bakit itinuturing na mabuti ang ilan sa mga ito, at ang ilan ay itinuturing na masama? At bakit napili ang ilan at hindi ang iba? Kung ang mga ito ay talagang mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu, kailangan pa bang mamili ng mga tao sa mga ito? Bakit ang mga salaysay ng mga salitang sinabi ni Jesus at ng Kanyang mga ginawang gawain ay magkakaiba sa Apat na Ebanghelyo? Hindi ba ito pagkakamali ng mga nagtala nito? Ang ibang tao ay magtatanong, “Yamang ang mga kalatas na isinulat ni Pablo at ng iba pang mga may-akda ng Bagong Tipan at ang gawaing isinagawa nila ay bahagyang nagmula sa kalooban ng tao, at nahaluan ng mga kuru-kuro ng tao, wala bang bahid ng karumihan ng tao ang mga salitang ipinapahayag Mo (ang Diyos) ngayon? Hindi ba talaga nagtataglay ang mga ito ng mga kuru-kuro ng tao?” Ang yugtong ito ng gawaing ginagawa ng Diyos ay ganap na iba mula sa ginawa ni Pablo at ng maraming apostol at propeta. Hindi lamang may pagkakaiba sa pagkakakilanlan, kundi pangunahing mayroong pagkakaiba sa gawaing isinasakatuparan. Matapos pabagsakin at sumubsob si Pablo sa harap ng Panginoon, pinangunahan siya ng Banal na Espiritu upang gumawa, at siya ay naging sugo. At kaya sumulat siya ng mga liham sa mga iglesia, at ang lahat ng liham na ito ay sumunod sa mga turo ni Jesus. Si Pablo ay isinugo ng Panginoon upang gumawa sa ngalan ng Panginoong Jesus, ngunit nang dumating ang Diyos Mismo, hindi Siya gumawa sa anumang pangalan, at walang ibang kinatawan kundi ang Espiritu ng Diyos sa Kanyang gawain. Dumating ang Diyos upang direktang isagawa ang Kanyang gawain: Hindi Siya ginawang perpekto ng tao, at ang Kanyang gawain ay hindi isinakatuparan ayon sa mga aral ng sinumang tao. Sa yugtong ito ng gawain, hindi nangunguna ang Diyos sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Kanyang mga sariling karanasan, sa halip ay direktang isinasagawa ang Kanyang gawain, ayon sa kung ano ang mayroon Siya. Halimbawa, ang pagsubok sa mga tagapagsilbi, ang panahon ng pagkastigo, ang pagsubok ng kamatayan, ang panahon ng pagmamahal sa Diyos…. Lahat ng ito ay gawaing hindi pa nagawa noon, at gawain sa kasalukuyang kapanahunan, sa halip na mga karanasan ng tao. Sa mga salitang Aking nasabi, alin ang mga karanasan ng tao? Hindi ba’t ang mga ito ay lahat direktang nagmumula sa Espiritu, at hindi ba’t ipinadala ng Espiritu ang mga ito? Napakahina lamang ng iyong kakayahan kaya hindi mo maaninag ang katotohanan! Ang praktikal na daan ng buhay na Aking sinasabi ay ang gabayan ang landas, at hindi pa kailanman nasabi noon ninuman, ni naranasan ninuman ang landas na ito, o nalaman ang realidad na ito. Bago Ko binigkas ang mga salitang ito, hindi pa ito nasabi ninuman. Wala pang sinuman ang nakapagsalita ng ganoong mga karanasan, ni nakapagsabi kailanman ng mga ganoong detalye, at higit pa rito, wala pang nakapagturo sa ganoong mga kalagayan upang ibunyag ang mga bagay na ito. Walang sinuman ang nanguna kailanman sa landas na Aking pinangungunahan ngayon, at kung ito ay pinangunahan ng tao, hindi ito magiging bagong daan. Halimbawa na lang ay sina Pablo at Pedro. Wala silang sarili nilang mga karanasan bago nanguna si Jesus sa landas. Naranasan lang nila ang mga salitang sinabi ni Jesus at ang landas na pinangunahan Niya matapos pangunahan ni Jesus ang landas; mula rito ay nagkaroon sila ng maraming karanasan, at sinulat ang mga liham. Kaya, ang mga karanasan ng tao ay hindi katulad ng gawain ng Diyos, at ang gawain ng Diyos ay hindi katulad ng kaalamang inilalarawan ng mga kuru-kuro at karanasan ng tao. Sinabi Ko na nang paulit-ulit, na bagong landas ang tinatahak Ko ngayon, at gumagawa Ako ng bagong gawain, at ang Aking gawain at mga pahayag ay iba kay Juan at sa lahat ng iba pang mga propeta. Hindi Ako kailanman magkakamit muna ng mga karanasan at saka ipapahayag ang mga ito sa inyo—hindi ganyan ang kaso ni anuman. Kung nagkagayon, hindi ba naantala na sana kayo nito noon pa? Noon, ang kaalaman na sinabi ng marami ay ginawang dakila rin, ngunit ang lahat ng kanilang mga salita ay sinabi lamang batay sa mga tinatawag na kilalang espirituwal na tao. Hindi sila gumabay sa daan, kundi nagmula sa kanilang mga karanasan, nagmula sa kanilang mga nakita, at mula sa kanilang kaalaman. Ang ilan ay mula sa kanilang mga kuru-kuro, at ang iba ay binubuo ng karanasan na kanilang ibinuod. Ngayon, ang kalikasan ng Aking gawain ay lubos na iba sa kanila. Hindi Ko naranasan na pangunahan ng iba, ni natanggap na gawing perpekto ng iba. Bukod pa rito, ang lahat ng Aking sinabi at ibinahagi ay hindi tulad ng sa kanino man, at hindi pa nasabi ninuman. Ngayon, kahit na sino man kayo, ang inyong gawain ay isinasakatuparan batay sa mga salitang Aking sinasabi. Kung wala ang mga pahayag at ang gawaing ito, sino ang magagawang maranasan ang mga bagay na ito (ang pagsubok sa mga tagapagsilbi, ang panahon ng pagkastigo…), at sino ang magagawang magpahayag ng ganoong kaalaman? Wala ka ba talagang kakayahang makita ito? Anuman ang hakbang ng gawain, sa sandaling sinabi ang mga salita Ko, nagsisimula kayong magbahagi ayon sa Aking mga salita, at gumawa ayon sa mga ito, at hindi ito isang paraan na naisip ninuman sa inyo. Matapos makarating sa ganito kalayo, hindi mo pa rin ba kayang makita ang ganoon kalinaw at kasimpleng tanong? Hindi ito isang paraan na naisip ng isang tao, ni batay sa sinumang kilalang espirituwal na tao. Ito ay isang bagong landas, at maging ang marami sa mga salitang sinabi ni Jesus noon ay hindi na naaangkop. Ang Aking sinasabi ay ang gawain ng pagbubukas ng bagong panahon, at ito ay gawaing nakatayo nang mag-isa; ang gawaing Aking ginagawa, at ang mga salitang Aking sinasabi, ay lahat bago. Hindi ba’t ito ang bagong gawain ngayon? Ganito rin ang gawain ni Jesus. Ang Kanyang gawain ay iba rin sa gawain ng mga tao sa templo, at iba rin sa gawain ng mga Pariseo, at wala rin itong pagkakatulad sa ginawa ng lahat ng tao sa Israel. Matapos itong masaksihan, hindi makapagpasya ang mga tao: “Ginawa ba talaga ito ng Diyos?” Hindi kumapit si Jesus sa kautusan ni Jehova; nang Siya ay dumating upang turuan ang tao, ang lahat ng Kanyang sinambit ay bago at iba sa mga sinabi ng mga sinaunang banal at propeta sa Lumang Tipan, at dahil dito, nanatiling hindi sigurado ang mga tao. Ito ang dahilan kung bakit mahirap makitungo sa tao. Bago pa man tanggapin ang bagong yugtong ito ng gawain, ang landas na tinahak ng karamihan sa inyo ay ang magsagawa at pumasok sa saligan ng yaong mga kilalang espirituwal na tao. Ngunit ngayon, ang gawaing Aking ginagawa ay ibang-iba, kaya hindi kayo makapagpasya kung ito ba ay tama o hindi. Wala Akong pakialam kung ano ang landas na iyong tinahak noon, hindi rin Ako interesado kung kaninong “pagkain” ang iyong kinain, o kung sino ang itinuring mong “ama.” Dahil Ako ay naparito at nagdala ng bagong gawain upang gabayan ang tao, ang lahat ng sumusunod sa Akin ay dapat kumilos ayon sa Aking sinasabi. Gaano man kalaki ang kapangyarihan ng “pamilya” na iyong pinanggalingan, kailangan mo Akong sundin, hindi ka dapat kumilos ayon sa mga dati mong pagsasagawa, dapat magbitiw ang iyong “ama-amahan”, at dapat kang lumapit sa harap ng iyong Diyos upang hanapin ang bahaging nararapat para sa iyo. Ang kabuuan mo ay nasa Aking mga kamay, at hindi ka dapat maglaan ng sobra-sobrang bulag na paniniwala sa ama-amahan mo; hindi ka niya lubusang makokontrol. Ang gawain ngayon ay nakatayo nang mag-isa. Ang lahat ng sinasabi Ko ngayon ay maliwanag na hindi batay sa saligan mula sa nakaraan; ito ay isang bagong simula, at kung iyong sasabihin na ito ay nilikha ng kamay ng tao, masyado ka nang bulag at hindi na maliligtas!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 163

Sina Isaias, Ezekiel, Moises, David, Abraham, at Daniel ay mga pinuno o mga propeta sa mga hinirang na tao sa Israel. Bakit hindi sila tinawag na Diyos? Bakit hindi nagpatotoo ang Banal na Espiritu sa kanila? Bakit nagpatotoo agad ang Banal na Espiritu kay Jesus nang sandaling sinimulan Niya ang Kanyang gawain at sinimulang ipahayag ng Kanyang mga salita? At bakit hindi nagpatotoo ang Banal na Espiritu para sa iba? Silang lahat na mga taong gawa sa laman ay tinawag na “Panginoon.” Anuman ang itinawag sa kanila, ang kanilang gawain ang kumakatawan sa kanilang diwa at sa kung ano sila, at ang kanilang diwa at kung ano sila ang kumakatawan sa kanilang pagkakakilanlan. Ang kanilang diwa ay walang kaugnayan sa kanilang katawagan; ito ay kinakatawan ng kanilang ipinahayag, at ng kanilang isinabuhay. Sa Lumang Tipan, walang hindi pangkaraniwan sa tawaging Panginoon, at maaaring tawagin ang isang tao na anuman, ngunit ang kanyang diwa at likas na pagkakakilanlan ay hindi nagbabago. Sa mga huwad na Cristo, huwad na propeta at mga manlilinlang, wala ba sa mga yaon ang tinatawag ding “Diyos”? At bakit hindi sila Diyos? Dahil wala silang kakayahan na isagawa ang gawain ng Diyos. Sa pinakaugat, sila’y mga tao, mga manlilinlang ng mga tao, at hindi Diyos, kaya wala sa kanila ang pagkakakilanlan ng Diyos. Hindi ba’t tinawag din si David na Panginoon ng labindalawang tribo? Si Jesus ay tinawag ding Panginoon; bakit si Jesus lamang ang tinawag na nagkatawang-taong Diyos? Hindi ba’t kilala rin bilang Anak ng tao si Jeremias? At hindi ba’t si Jesus ay kilala rin bilang Anak ng tao? Bakit ipinako sa krus si Jesus sa ngalan ng Diyos? Hindi ba’t dahil iba ang Kanyang diwa? Hindi ba’t dahil iba ang gawaing Kanyang isinagawa? Mahalaga ba ang titulo? Bagama’t si Jesus ay tinawag ding Anak ng tao, Siya ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos, dumating Siya upang magkaroon ng kapangyarihan, at tuparin ang gawain ng pagtubos. Pinatutunayan nito na ang pagkakakilanlan at diwa ni Jesus ay naiiba sa ibang tinawag ding Anak ng tao. Ngayon, sino sa inyo ang nangangahas na magsabi na ang lahat ng salitang sinabi ng mga ginamit ng Banal na Espiritu ay mula sa Banal na Espiritu? Mayroon bang nangangahas sabihin ang gayong mga bagay? Kung sinasabi mo nga ang gayong mga bagay, bakit iwinaksi ang aklat ng propesiya ni Ezra, at bakit ganoon din ang ginawa sa mga aklat ng mga sinaunang banal at propeta? Kung ang lahat ng iyon ay mula sa Banal na Espiritu, bakit kayo nangangahas gumawa ng ganoong mga pabago-bagong pagpili? Karapat-dapat ka bang pumili ng gawain ng Banal na Espiritu? Marami ring kwento mula sa Israel ang iwinaksi. At kung naniniwala kang ang mga kasulatang ito mula sa nakaraan ay pawang mula sa Banal na Espiritu, kung gayon bakit iwinaksi ang ilan sa mga aklat? Kung ang lahat ng ito ay mula sa Banal na Espiritu, ang lahat ng ito ay dapat pinanatili, at ipinadala sa mga kapatid sa mga iglesia upang basahin. Hindi dapat pinili at iwinaksi ang mga ito batay sa kagustuhan ng tao; mali ang gawin iyon. Ang pagsasabi na ang mga karanasan nina Pablo at Juan ay nahaluan ng kanilang mga sariling kabatiran ay hindi nangangahulugan na ang kanilang mga karanasan at kaalaman ay nagmula kay Satanas, kundi na mayroon lamang silang mga bagay na nagmula sa kanilang mga sariling karanasan at kabatiran. Ang kanilang kaalaman ay ayon sa nangyari sa kanilang mga aktwal na karanasan noong panahong iyon, at sino ang siguradong makapagsasabi na nagmula ang lahat ng ito sa Banal na Espiritu? Kung nagmula sa Banal na Espiritu ang lahat ng Apat na Ebanghelyo, bakit magkakaiba ang sinabi nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan tungkol sa gawain ni Jesus? Kung hindi kayo naniniwala rito, tingnan ninyo ang mga tala sa Bibliya kung paanong tatlong beses na itinanggi ni Pedro ang Panginoon: Magkakaiba ang lahat ng ito, at bawat isa ay mayroong kanya-kanyang mga katangian. Maraming mangmang ang nagsasabing, “Ang Diyos na nagkatawang-tao ay isa ring tao, kaya ang mga salita ba na Kanyang sinasabi ay maaaring ganap na mula sa Banal na Espiritu? Kung ang mga salita nina Pablo at Juan ay nahaluan ng kalooban ng tao, ang mga salita bang Kanyang sinasabi ay hindi talaga nahaluan ng kalooban ng tao?” Ang mga taong nagsasabi ng ganoong bagay ay mga bulag at mangmang! Basahin ninyo nang mabuti ang Apat na Ebanghelyo; basahin ninyo kung ano ang kanilang itinala tungkol sa mga bagay na ginawa ni Jesus, at ang mga salitang sinabi Niya. Ang bawat ulat ay talagang magkakaiba, at ang bawat isa ay mayroong sarili nitong pananaw. Kung ang isinulat ng mga may-akda ng mga aklat na ito ay nagmula lahat sa Banal na Espiritu, dapat magkakatulad at hindi pabago-bago ang lahat ng ito. Kaya bakit mayroong mga pagkakaiba? Hindi ba lubhang hangal ang mga tao para hindi ito makita? Kung hihingin sa iyo na magpatotoo sa Diyos, anong uri ng patotoo ang iyong maibibigay? Ang ganoong paraan ba ng pagkakilala sa Diyos ay makapagpapatotoo sa Kanya? Kung tatanungin ka ng iba, “Kung ang mga tala nina Juan at Lucas ay may kahalong kalooban ng tao, ang mga salita bang sinabi ng inyong Diyos ay hindi nahaluan ng kalooban ng tao?” makapagbibigay ka ba ng malinaw na kasagutan? Matapos marinig nina Lucas at Mateo ang mga salita ni Jesus, at makita ang gawain ni Jesus, nangusap sila tungkol sa kanilang sariling kaalaman, dinetalye nila sa kanilang mga paggunita ang ilan sa mga katunayan sa gawaing ginawa ni Jesus. Masasabi mo bang ang kanilang kaalaman ay lubos na inihayag ng Banal na Espiritu? Sa labas ng Bibliya, maraming kilalang espirituwal na tao na mayroong mas mataas na kaalaman kaysa sa kanila; kaya bakit hindi tinanggap ng mga sumunod na salinlahi ang kanilang mga salita? Hindi ba’t ginamit din sila ng Banal na Espiritu? Dapat mong malaman na sa gawain ngayon, hindi Ako nangungusap tungkol sa Aking kabatiran batay sa saligan ng gawain ni Jesus, at hindi rin Ako nangungusap tungkol sa Aking sariling kaalaman kumpara sa nangyari noong gawain ni Jesus. Anong gawain ang isinagawa ni Jesus sa panahong iyon? At ano ang gawaing Aking isinasagawa ngayon? Walang pamamarisan ang Aking ginagawa o sinasabi. Ang landas na Aking tinatahak ngayon ay hindi pa natahak noon, walang sinuman mula sa nakalipas na panahon at salinlahi ang tumahak dito. Ngayon, ito ay nabuksan, at hindi ba ito ang gawain ng Espiritu? Bagama’t gawain ito ng Banal na Espiritu, isinakatuparan ng lahat ng mga pinuno noong nakaraan ang kanilang gawain batay sa saligan ng iba; subalit, ang gawain ng Diyos Mismo ay naiiba. Ang yugto ng gawain ni Jesus ay kapareho: Nagpasimula Siya ng bagong daan. Nang dumating Siya, nangaral Siya ng ebanghelyo ng kaharian ng langit, at sinabi na dapat magsisi at mangumpisal ang tao. Nang matapos ni Jesus ang Kanyang gawain, sinimulang ipagpatuloy nina Pedro at Pablo at ng iba pa ang gawain ni Jesus. Pagkatapos na maipako si Jesus sa krus at umakyat sa langit, isinugo sila ng Espiritu upang ipalaganap ang daan ng krus. Bagama’t dinakila ang mga salita ni Pablo, ang mga ito ay batay rin sa saligang inilatag ng sinabi ni Jesus, katulad ng pagtitiis, pag-ibig, pagdurusa, pagtatakip ng ulo, pagbabautismo, o iba pang mga doktrina na dapat sundin. Ang lahat ng ito ay sinabi batay sa saligan ng mga salita ni Jesus. Wala silang kakayahan na magbukas ng bagong daan, dahil lahat sila ay mga taong ginamit ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 164

Ang mga pagbigkas at gawain ni Jesus sa panahong iyon ay hindi pinanghawakan ang mga doktrina, at hindi Niya isinagawa ang Kanyang gawain ayon sa gawain ng kautusan ng Lumang Tipan. Ito ay isinagawa ayon sa gawain na dapat isagawa sa Kapanahunan ng Biyaya. Gumawa Siya ayon sa gawaing Kanyang inilahad, ayon sa sarili Niyang plano, at ayon sa Kanyang ministeryo; hindi Siya gumawa ayon sa kautusan ng Lumang Tipan. Wala sa Kanyang mga ginawa ang ayon sa kautusan ng Lumang Tipan, at hindi Siya dumating para gumawa upang tuparin ang mga salita ng mga propeta. Ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay hindi ginawa para lamang tuparin ang mga hula ng mga sinaunang propeta, at hindi Siya pumarito upang sumunod sa mga doktrina o kusang isakatuparan ang mga hula ng mga sinaunang propeta. Gayunpaman, hindi ginambala ng Kanyang mga kilos ang mga hula ng mga sinaunang propeta, ni ginulo ang gawain na nauna na Niyang naisagawa. Ang kapansin-pansing bahagi ng Kanyang gawain ay hindi ang pagsunod sa anumang doktrina, at sa halip ay ang paggawa ng gawain na Siya Mismo ang dapat gumawa. Hindi Siya isang propeta o manghuhula, kundi isang tagagawa, na sa katunayan ay pumarito upang isagawa ang gawaing dapat Niyang gawin, at pumarito upang magbukas ng bagong panahon at isakatuparan ang Kanyang bagong gawain. Siyempre, nang dumating si Jesus upang isagawa ang Kanyang gawain, tinupad Niya rin ang marami sa mga salita na sinabi ng mga sinaunang propeta sa Lumang Tipan. Gayon din tinupad ng gawain ngayon ang mga propesiya ng mga sinaunang propeta ng Lumang Tipan. Hindi Ko lang itinataguyod ang “lumang almanak,” iyon lang. Sapagkat marami pang gawain ang kailangan Kong isagawa, marami pang mga salita ang dapat Kong sabihin sa inyo, at ang gawain at mga salitang ito ay higit na mahalaga kaysa sa pagpapaliwanag ng mga talata mula sa Bibliya, dahil ang gawaing gaya noon ay walang malaking kabuluhan o halaga para sa inyo, at hindi kayo matutulungan o mababago. Nilalayon Kong gumawa ng bagong gawain hindi para tuparin ang anumang talata mula sa Bibliya. Kung dumating lang ang Diyos sa lupa upang tuparin ang mga salita ng mga sinaunang propeta sa Bibliya, sino ang mas dakila, ang Diyos na nagkatawang-tao o ang mga sinaunang propeta? Matapos ang lahat, ang mga propeta ba ang namumuno sa Diyos, o ang Diyos ang namumuno sa mga propeta? Paano mo ipaliliwanag ang mga salitang ito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 165

Ang bawat hakbang sa gawain ng Diyos ay sumusunod sa iisang agos, at kaya sa anim na libong taon ng plano ng pamamahala ng Diyos, ang bawat hakbang ay malapit na sinundan ng kasunod, mula sa pagkakatatag ng mundo hanggang sa kasalukuyan. Kung walang magbubukas ng daan, walang makasusunod; dahil may mga nakasunod, may mga nagbukas ng daan. Sa paraang ito, ang gawain ay naipasa, nang paisa-isang hakbang. Ang isang hakbang ay sinusundan ng isa pa, at kung walang magbubukas ng daan, magiging imposible na simulan ang gawain, at walang magiging paraan ang Diyos upang sumulong sa Kanyang gawain. Walang hakbang ang sumasalungat sa iba, at ang bawat isa ay sumusunod sa iba na parang agos; ang lahat ng ito ay isinasagawa ng iisang Espiritu. Ngunit kung nagbukas man ng daan ang isang tao o ipinagpatuloy ang gawain ng isa pa, hindi ito ang tumutukoy ng kanilang pagkakakilanlan. Hindi ba tama ito? Si Juan ang nagbukas ng daan, at ipinagpatuloy ni Jesus ang kanyang gawain, kaya nagpapatunay ba ito na ang pagkakakilanlan ni Jesus ay mas mababa sa pagkakakilanlan ni Juan? Isinagawa ni Jehova ang Kanyang gawain bago si Jesus, masasabi mo ba na mas mataas si Jehova kaysa kay Jesus? Hindi mahalaga kung sila man ay nagbukas ng daan o nagpatuloy ng gawain ng iba; ang pinakamahalaga ay ang diwa ng kanilang gawain, at ang pagkakakilanlan na kinakatawan nito. Hindi ba tama ito? Dahil nilayon ng Diyos na gumawa sa kalagitnaan ng tao, kinailangan Niyang iangat yaong mga kayang gawin ang gawain ng pagbubukas ng daan. Nang nagsimula pa lang na mangaral si Juan, kanyang sinabi, “Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang Kaniyang mga landas.” “Mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit.” Nangusap siya sa ganoong paraan mula sa pinakasimula, at bakit niya nasabi ang mga salitang ito? Sa pagkakasunud-sunod ng mga salitang ito, si Juan ang unang nangusap ng ebanghelyo sa kaharian ng langit, at si Jesus ang sumunod na nangusap. Ayon sa mga kuru-kuro ng tao, si Juan ang nagbukas ng bagong landas, kaya siyempre mas dakila si Juan kaysa kay Jesus. Ngunit hindi sinabi ni Juan na siya ang Cristo, at hindi nagpatotoo ang Diyos sa kanya bilang minamahal na Anak ng Diyos, kundi ginamit lang siya upang buksan at ihanda ang daan para sa Panginoon. Siya ang nagbukas ng daan para kay Jesus, ngunit hindi siya maaaring gumawa sa ngalan ni Jesus. Ang lahat ng gawain ng tao ay pinanatili rin ng Banal na Espiritu.

Sa kapanahunan ng Lumang Tipan, si Jehova ang nanguna sa daan, at kumatawan ang gawain ni Jehova sa buong kapanahunan ng Lumang Tipan, at sa lahat ng gawaing isinagawa sa Israel. Itinaguyod lang ni Moises ang gawaing ito sa lupa, at ang kanyang pagsisikap ay itinuturing na pakikipagtulungan ng tao. Sa panahong iyon, si Jehova ang nangusap, tumawag kay Moises, at itinaas Niya si Moises sa gitna ng mga tao ng Israel, at ginawa si Moises na pangunahan ang mga tao patungo sa ilang at papunta sa Canaan. Hindi ito gawain ni Moises mismo, kundi personal na iniutos ni Jehova, kaya si Moises ay hindi maaaring tawaging Diyos. Naglatag din si Moises ng kautusan, ngunit ang kautusang ito ay personal na iniatas ni Jehova. Iyon nga lamang, si Moises ang ipinagpahayag Niya nito. Gumawa rin si Jesus ng mga utos, at pinawalang-bisa ang mga kautusan sa Lumang Tipan at ibinigay ang mga utos para sa bagong kapanahunan. Bakit si Jesus ay Diyos Mismo? Dahil mayroong pagkakaiba. Sa panahong iyon, ang gawaing isinagawa ni Moises ay hindi kumatawan sa kapanahunan, ni nagbukas ng bagong daan; pinangasiwaan siya ni Jehova pasulong at ginamit lamang siya ng Diyos. Nang dumating si Jesus, nagsagawa na si Juan ng isang hakbang ng gawain ng pagbubukas ng daan, at nagsimula nang ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng langit (sinimulan ito ng Banal na Espiritu). Nang dumating si Jesus, direkta Niyang isinagawa ang Kanyang sariling gawain, ngunit may malaking pagkakaiba sa Kanyang gawain at sa gawain ni Moises. Si Isaias ay nagpahayag din ng maraming propesiya, ngunit bakit hindi siya ang Diyos Mismo? Hindi nagpahayag ng maraming propesiya si Jesus, ngunit bakit Siya ang Diyos Mismo? Walang naglakas-loob na magsabi na ang gawain ni Jesus sa panahong iyon ay nagmulang lahat sa Banal na Espiritu, ni naglakas-loob na sabihin na lahat ng iyon ay nagmula sa kalooban ng tao, o na ito ay ganap na gawain ng Diyos Mismo. Walang paraan ang tao para suriin ang ganoong mga bagay. Maaaring sabihin na si Isaias ay nagsagawa ng ganoong gawain, at nagpahayag ng ganoong mga propesiya, at ang lahat ng ito ay nagmula sa Banal na Espiritu; hindi direktang nagmula ang mga ito kay Isaias mismo, kundi mga pahayag mula kay Jehova. Hindi nagsagawa ng maraming gawain si Jesus, at hindi nangusap ng maraming salita, ni nagpahayag Siya ng maraming propesiya. Para sa tao, ang Kanyang pangangaral ay hindi masyadong dakila, ngunit Siya ang Diyos Mismo, at hindi ito maipapaliwanag ng tao. Walang sinuman ang naniwala kay Juan, o kay Isaias, o kay David, ni walang sinuman ang tumawag sa kanila na Diyos, o Diyos na David, o Diyos na Juan; wala pang nagsabi ng ganoon, at si Jesus lang ang kailanman ay tinawag na Cristo. Ang pag-uuring ito ay ginawa ayon sa patotoo ng Diyos, sa isinagawa Niyang gawain, at sa ministeryong Kanyang isinakatuparan. Kaugnay ng mga dakilang tao sa Bibliya—sina Abraham, David, Josue, Daniel, Isaias, Juan at Jesus—sa pamamagitan ng gawaing kanilang isinagawa, masasabi mo kung sino ang Diyos Mismo, at kung aling mga uri ng tao ang mga propeta at kung alin ang mga apostol. Kung sino ang ginamit ng Diyos, at kung sino ang Diyos Mismo, ay napagkaiba at natukoy sa pamamagitan ng kanilang diwa at ng uri ng gawain na kanilang isinagawa. Kung hindi mo kayang makita ang pagkakaiba, nagpapatunay ito na hindi mo alam ang kahulugan ng paniniwala sa Diyos. Si Jesus ay Diyos dahil nangusap Siya ng maraming salita, at nagsagawa ng maraming gawain, sa partikular ang pagpapamalas Niya ng maraming himala. Gayundin, si Juan ay nagsagawa rin ng maraming gawain, at nangusap ng maraming salita, gayundin si Moises; bakit hindi sila tinawag na Diyos? Si Adan ay direktang nilikha ng Diyos; bakit hindi Siya tinawag na Diyos, sa halip ay tinawag lang na nilalang? Kung may magsasabi sa iyo, “Ngayon, nagsagawa ng maraming gawain ang Diyos, at nangusap ng maraming salita; Siya ang Diyos Mismo. Samakatuwid, dapat ding Diyos Mismo si Moises dahil siya ay nangusap ng maraming salita!” dapat may ganting-tanong ka sa kanila, “Sa panahong iyon, bakit nagpatotoo ang Diyos kay Jesus, at hindi kay Juan, bilang Diyos Mismo? Hindi ba naunang dumating si Juan kaysa kay Jesus? Alin ang mas dakila, ang gawain ni Juan o ni Jesus? Para sa tao, nagmimistulang mas dakila ang gawain ni Juan kaysa kay Jesus, ngunit bakit nagpatotoo ang Banal na Espiritu kay Jesus at hindi kay Juan?” Pareho ang nangyayari sa ngayon! Noong panahong iyon, nang pinangunahan ni Moises ang mga tao sa Israel, nangusap si Jehova sa kanya mula sa mga ulap. Hindi direktang nangusap si Moises, kundi sa halip ay direkta siyang pinangunahan ni Jehova. Ito ang gawain ng Israel sa Lumang Tipan. Wala kay Moises ang Espiritu, o kung ano ang Diyos. Hindi niya magagawa ang ganoong gawain, kaya mayroong malaking pagkakaiba sa pagitan ng gawaing kanyang ginawa at sa ginawa ni Jesus. At ito ay dahil ang isinagawa nilang gawain ay magkaiba! Kung ang isang tao ay ginamit ng Diyos, o isang propeta, o apostol, o ang Diyos Mismo, ito ay mababatid sa pamamagitan ng kalikasan ng kanyang gawain, at ito ang magwawakas sa iyong mga pagdududa. Nakasaad sa Bibliya na tanging ang Cordero ang makapagbubukas sa pitong tatak. Sa paglipas ng mga kapanahunan, marami sa mga dakilang tao na iyon ang naging tagapagpaliwanag ng mga banal na kasulatan, kaya masasabi mo bang lahat sila ay ang Cordero? Masasabi mo bang ang kanilang mga paliwanag ay mula lahat sa Diyos? Sila ay mga tagapagpaliwanag lang; wala silang pagkakakilanlan ng Cordero. Paano sila magiging karapat-dapat na magbukas ng pitong tatak? Totoo na “Tanging ang Cordero ang makapagbubukas ng pitong tatak,” ngunit hindi Siya pumarito upang buksan lamang ang pitong tatak; hindi kinakailangan ang gawaing ito, ginagawa ito nang walang kaugnayan. Siya ay ganap na malinaw tungkol sa Kanyang sariling gawain; kailangan ba Niyang maglaan ng maraming oras upang ipaliwanag ang mga banal na kasulatan? Kailangan bang idagdag “ang Kapanahunan ng Pagpapaliwanag ng Cordero sa mga Banal na Kasulatan” sa anim na libong taon ng gawain? Pumarito Siya upang magsagawa ng bagong gawain, ngunit nagbibigay din Siya ng mga pahayag tungkol sa gawain sa nakaraan, na ipinauunawa sa mga tao ang katotohanan ng anim na libong taong gawain. Hindi na kailangang ipaliwanag ang napakaraming sipi mula sa Bibliya; ang susi ay ang gawain ngayon, iyon ang mahalaga. Dapat mong malaman na hindi dumating ang Diyos para lamang magbukas ng pitong tatak, kundi upang isagawa ang gawain ng pagliligtas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 166

Sa Kapanahunan ng Biyaya, inihanda ni Juan ang daan para kay Jesus. Hindi kayang gawin ni Juan ang gawain ng Diyos Mismo kundi tinupad lamang ang tungkulin ng tao. Kahit si Juan ang tagapagpauna ng Panginoon, hindi niya kayang katawanin ang Diyos; isa lamang siyang tao na ginamit ng Banal na Espiritu. Kasunod ng bautismo ni Jesus, ang Banal na Espiritu ay bumaba sa Kanya tulad ng isang kalapati. Pagkatapos, sinimulan na Niya ang Kanyang gawain, iyon ay, sinimulan Niyang isagawa ang ministeryo ni Cristo. Iyon ang dahilan kung bakit ginamit Niya ang pagkakakilanlan ng Diyos, sapagkat Siya ay nagmula sa Diyos. Paano man ang Kanyang pananampalataya bago ito—marahil kung minsan ito ay mahina, o kung minsan ito ay malakas—iyon lamang ang Kanyang normal na buhay bilang tao bago Niya ginawa ang Kanyang ministeryo. Pagkatapos Siyang bautismuhan (ibig sabihin, pahiran), agad Siyang nagkaroon ng kapangyarihan at ng kaluwalhatian ng Diyos, at sa gayon ay nagsimulang ganapin ang Kanyang ministeryo. Kaya Niyang gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan, gumawa ng mga himala, at mayroon Siyang kapangyarihan at awtoridad, sapagkat Siya ay gumagawa nang direkta sa ngalan ng Diyos Mismo; ginagawa Niya ang gawain ng Espiritu na kahalili Niya at ipinapahayag ang tinig ng Espiritu. Samakatuwid, Siya ang Diyos Mismo. Hindi ito mapag-aalinlanganan. Ginamit si Juan ng Banal na Espiritu. Hindi niya kayang katawanin ang Diyos, at hindi rin posible para sa kanya na kumatawan sa Diyos. Kung naisin niya na gawin ito, hindi ito papayagan ng Banal na Espiritu, sapagkat hindi niya kayang gawin ang gawain na nilayon ng Diyos Mismo na isakatuparan. Marahil marami sa kanya ang kalooban ng tao, o may bagay sa kanyang lihis; hindi niya kailanman maaaring direktang katawanin ang Diyos. Kinakatawan lamang ng kanyang mga pagkakamali at pagiging katawa-tawa ang sarili niya, ngunit kinakatawan ng kanyang gawain ang Banal na Espiritu. Gayunpaman, hindi mo maaaring sabihing kinakatawan ng lahat sa kanya ang Diyos. Kaya ba ng kanyang paglihis at kalisyaan na katawanin din ang Diyos? Normal sa kumakatawan sa tao na maging mali, ngunit kung nagkaroon siya ng paglihis sa pagkatawan sa Diyos, hindi ba iyan sisira sa puri ng Diyos? Hindi ba iyan kalapastanganan laban sa Banal na Espiritu? Hindi basta pinapahintulutan ng Banal na Espiritu ang tao na tumayo sa lugar ng Diyos, kahit na dinadakila siya ng iba. Kung hindi siya ang Diyos, hindi niya magagawang manatiling nakatayo sa katapusan. Hindi pinapahintulutan ng Banal na Espiritu ang tao na kumatawan sa Diyos ayon sa pagnanais ng tao! Halimbawa, nagpatotoo kay Juan ang Banal na Espiritu, at ibinunyag din na siya ang maghahanda ng daan para kay Jesus, ngunit mahusay na sinukat ng Banal na Espiritu ang gawain na ginawa sa kanya. Ang tanging hiningi kay Juan ay ang maging tagahanda ng daan para kay Jesus, ang ihanda ang daan para sa Kanya. Ibig sabihin, itinaguyod lamang ng Banal na Espiritu ang kanyang gawain sa paghahanda ng daan at pinahintulutan lamang siya na gawin ang ganoong gawain—hindi siya pinahintulutang gumawa ng iba pang gawain. Kinatawan ni Juan si Elias, at kinatawan niya ang isang propeta na naghanda ng daan. Itinaguyod siya rito ng Banal na Espiritu; hangga’t ang kanyang gawain ay ang ihanda ang daan, itinaguyod siya ng Banal na Espiritu. Subalit, kung sinabi niyang siya ang Diyos Mismo at sinabing dumating siya upang tapusin ang gawain ng pagtubos, kinailangan sana siyang disiplinahin ng Banal na Espiritu. Gaano man kahusay ang gawain ni Juan, at itinaguyod man ito ng Banal na Espiritu, mayroong mga hangganan ang kanyang gawain. Ang kanyang gawain ay totoong itinaguyod ng Banal na Espiritu, ngunit limitado sa paghahanda ng daan ang kapangyarihan na ibinigay sa kanya sa oras na iyon. Hindi niya maaaring gawin, sa anumang paraan, ang anumang iba pang gawain, dahil siya lamang ay si Juan na naghanda ng daan, at hindi si Jesus. Samakatuwid, susi ang patotoo ng Banal na Espiritu, ngunit mas mahalaga pa ang gawain na pinapahintulutan ng Banal na Espiritu na gawin ng tao. Hindi ba’t nakatanggap si Juan ng matunog na patotoo noong panahong iyon? Hindi ba’t dakila rin ang kanyang gawain? Ngunit hindi malalampasan ng gawain na kanyang ginawa yaong kay Jesus, sapagkat siya ay isang tao lamang na ginamit ng Banal na Espiritu at hindi maaaring tuwirang kumatawan sa Diyos, at kaya ang gawain na kanyang ginawa ay limitado. Pagkaraan niyang matapos ang paghahanda ng daan, hindi na itinaguyod ng Banal na Espiritu ang kanyang patotoo, walang bagong gawain ang sumunod sa kanya, at siya ay umalis habang ang gawain ng Diyos Mismo ay nagsisimula.

May ilang sinasaniban ng masasamang espiritu at malakas na sumisigaw ng, “Ako ang Diyos!” Ngunit sa katapusan, sila ay nabubunyag dahil sila ay mali sa kanilang kinakatawan. Kinakatawan nila si Satanas, at hindi sila binibigyang-pansin ng Banal na Espiritu. Gaano man kataas ang pagpapahalaga mo sa iyong sarili o gaano ka man kalakas sumigaw, ikaw ay isang nilalang pa rin at isa na nabibilang kay Satanas. Kailanman ay hindi Ako sumisigaw ng, “Ako ang Diyos, Ako ang sinisintang Anak ng Diyos!” Ngunit ang gawaing ginagawa Ko ay gawain ng Diyos. Kailangan Ko bang sumigaw? Hindi kailangan ang pagpaparangal. Ginagawa ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain at hindi kailangan ng tao na bigyan Siya ng isang katayuan o kagalang-galang na titulo: kinakatawan na ng Kanyang gawain ang Kanyang pagkakakilanlan at katayuan. Bago ang Kanyang bautismo, hindi ba’t si Jesus ang Diyos Mismo? Hindi ba’t Siya ang nagkatawang-taong Diyos? Tiyak na hindi maaaring sabihin na naging tanging Anak ng Diyos lamang Siya pagkatapos Niyang napatotohanan? Wala bang tao na may pangalang Jesus sa matagal na panahon bago Siya nagsimula ng Kanyang gawain? Hindi mo kayang maghatid ng mga bagong landas o kumatawan sa Espiritu. Hindi mo kayang ipahayag ang gawain ng Espiritu o ang mga salita na sinasabi Niya. Hindi mo kayang gawin ang gawain ng Diyos Mismo o yaong sa Espiritu. Ang karunungan, pagiging kamangha-mangha, at pagiging di-maarok ng Diyos, at ang buong disposisyon sa pagkastigo ng Diyos sa tao—lahat ng ito ay higit sa iyong kakayahang magpahayag. Kaya walang saysay na angkinin mo na ikaw ang Diyos; magkakaroon ka lamang ng pangalan ngunit hindi ng diwa. Dumating na ang Diyos Mismo, ngunit walang nakakakilala sa Kanya, gayunman patuloy Siya sa Kanyang gawain at ginagawa ang gayon sa pagkatawan sa Espiritu. Tawagin mo man Siyang tao o Diyos, ang Panginoon o Cristo, o tawagin Siyang kapatid na babae, hindi ito mahalaga. Ngunit ang gawaing ginagawa Niya ay yaong sa Espiritu at kumakatawan sa gawain ng Diyos Mismo. Wala Siyang pakialam sa pangalan na itinatawag sa Kanya ng tao. Puwede bang matukoy ng pangalang iyon ang Kanyang gawain? Anuman ang itawag mo sa Kanya, sa pananaw ng Diyos, Siya ang nagkatawang-taong laman ng Espiritu ng Diyos; kinakatawan Niya ang Espiritu at sinasang-ayunan ng Espiritu. Kung hindi mo kayang gumawa ng daan para sa isang bagong kapanahunan, o dalhin ang dati sa katapusan, o maghatid ng isang bagong kapanahunan o gumawa ng bagong gawain, hindi ka maaaring tawaging Diyos!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 1

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 167

Kahit ang isang tao na ginagamit ng Banal na Espiritu ay hindi maaaring kumatawan sa Diyos Mismo. At hindi lamang hindi maaaring kumatawan ang taong ito sa Diyos, hindi rin maaaring direktang kumatawan ang kanyang gawain sa Diyos. Ibig sabihin niyan, hindi maaaring direktang ilagay sa loob ng pamamahala ng Diyos ang karanasan ng tao, at hindi ito maaaring kumatawan sa pamamahala ng Diyos. Ang lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos Mismo ay ang gawaing ninanais Niya na gawin sa Kanyang sariling plano ng pamamahala at may kaugnayan sa dakilang pamamahala. Ang gawain na ginagawa ng tao ay binubuo ng pagtustos ng kanilang indibiduwal na karanasan. Binubuo ito ng pagkakasumpong ng isang bagong landas ng karanasan na higit sa nilakaran niyaong mga nauna sa kanila, at ng paggabay sa kanilang mga kapatid sa ilalim ng patnubay ng Banal na Espiritu. Ang itinutustos ng mga taong ito ay ang kanilang indibiduwal na karanasan o mga espirituwal na kasulatan ng mga espirituwal na tao. Kahit na sila ay ginagamit ng Banal na Espiritu, ang gawain ng gayong mga tao ay walang kinalaman sa dakilang gawain ng pamamahala na nasa anim-na-libong-taong plano. Ibinangon lamang sila ng Banal na Espiritu sa iba’t ibang panahon upang ihantong ang mga tao sa agos ng Banal na Espiritu hanggang sa magwakas ang mga tungkuling kaya nilang gampanan o dumating sa katapusan ang kanilang buhay. Ang gawaing ginagawa nila ay para lamang ihanda ang naaangkop na daan para sa Diyos Mismo o upang ipagpatuloy ang isang aspeto ng pamamahala ng Diyos Mismo sa lupa. Sa sarili nila, hindi kayang gawin ng mga taong ito ang mas dakilang gawain ng Kanyang pamamahala, at hindi sila makakapagbukas ng mga bagong daan palabas, lalo na ang tapusin ninuman sa kanila ang lahat ng gawain ng Diyos mula sa naunang kapanahunan. Samakatuwid, ang gawaing kanilang ginagawa ay kumakatawan lamang sa isang nilalang na gumaganap ng kanyang tungkulin at hindi maaaring kumatawan sa Diyos Mismo na gumaganap ng Kanyang ministeryo. Ito ay dahil ang gawaing kanilang ginagawa ay hindi tulad niyaong ginagawa ng Diyos Mismo. Hindi maaaring gawin ng tao bilang kahalili ng Diyos ang gawain ng paghahatid ng isang bagong kapanahunan. Hindi ito maaaring gawin ng sino pa man bukod sa Diyos Mismo. Ang lahat ng gawain na ginagawa ng tao ay pagganap ng kanyang tungkulin bilang isang nilalang at ito ay ginagawa kapag naaantig o naliliwanagan siya ng Banal na Espiritu. Ang patnubay na ibinibigay ng mga taong ito ay ganap na binubuo ng pagpapakita sa tao ng landas ng pagsasagawa sa pang-araw-araw na buhay at kung paano dapat kumilos ang tao na katugma sa kalooban ng Diyos. Hindi kinapapalooban ang gawain ng tao ng pamamahala ng Diyos at hindi rin ito kumakatawan sa gawain ng Espiritu. Bilang halimbawa, ang gawain nina Witness Lee at Watchman Nee ay ang manguna sa daan. Maging bago man o luma ang daan, ang gawain ay nakabase sa prinsipyo na nananatiling nakapaloob sa Bibliya. Kung ito man ay para buhaying muli ang lokal na iglesia o magtayo ng lokal na iglesia, ang kanilang gawain ay ang magtatag ng mga iglesia. Ipinagpatuloy ng gawaing kanilang ginawa ang gawain na hindi natapos ni Jesus at ng Kanyang mga apostol o hindi pa lalong pinaunlad sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang kanilang ginawa sa kanilang gawain ay ang buhaying muli ang hiniling ni Jesus, sa Kanyang gawain noon, sa mga salinlahi pagkatapos Niya, kagaya ng pagpapanatiling nakatalukbong ang kanilang mga ulo, pagbautismo, pagpipira-piraso ng tinapay, o pag-inom ng alak. Maaaring sabihin na ang kanilang gawain ay ang manatili lamang sa Bibliya at maghanap ng mga landas na nakapaloob lamang sa Bibliya. Wala silang ginawang bagong pagsulong sa anumang paraan. Samakatuwid, makikita sa kanilang gawain ang pagkatuklas lamang ng mga bagong landas na nakapaloob sa Bibliya, gayundin ang mas mahusay at mas makatotohanang mga pagsasagawa. Ngunit hindi makikita sa kanilang gawain ang kasalukuyang kalooban ng Diyos, lalong hindi makikita ang bagong gawain na balak gawin ng Diyos sa mga huling araw. Ito ay dahil sa ang landas na kanilang nilakaran ay luma pa rin; walang pagpapanibago at walang pagsulong. Nagpatuloy silang kumapit sa katotohanan ng pagkakapako sa krus ni Jesus, sa pagsasagawa ng paghingi sa mga tao na magsisi at ikumpisal ang kanilang mga kasalanan, sa mga kasabihan na siya na nagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas, at na ang lalaki ang pinuno ng babae, at dapat pasakop ang babae sa kanyang asawa, at lalo na sa tradisyonal na kuru-kuro na hindi puwedeng mangaral ang mga kapatid na babae, kundi sumunod lamang. Kung ang gayong paraan ng pamumuno ay nagpatuloy, hindi sana kailanman nagawa ng Banal na Espiritu na magsakatuparan ng bagong gawain, mapalaya ang mga tao mula sa mga patakaran, o pangunahan ang mga tao tungo sa isang kinasasaklawan ng kalayaan at kagandahan. Samakatuwid, ang yugtong ito ng gawain, na binabago ang kapanahunan, ay nangangailangan na ang Diyos Mismo ang gumawa at bumigkas; kung hindi, walang sinumang tao ang makakagawa bilang kahalili Niya. Hanggang sa kasalukuyan, ang lahat ng gawain ng Banal na Espiritu sa labas ng daloy na ito ay huminto at yaong mga ginamit ng Banal na Espiritu ay nawalan ng direksyon. Samakatuwid, dahil ang gawain ng mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu ay hindi tulad ng gawain na ginagawa ng Diyos Mismo, ang kanilang mga pagkakakilanlan at ang kanilang kinakatawan ay naiiba rin. Ito ay dahil naiiba ang gawain na balak gawin ng Banal na Espiritu, at dahil doon ay binibigyan ng magkakaibang pagkakakilanlan at katayuan ang mga gumagawa. Maaari ding gawin ng mga taong ginagamit ng Banal na Espiritu ang ilang bagong gawain at maaari din nilang alisin ang ilang gawain na ginawa sa naunang kapanahunan, ngunit hindi maaaring ipahayag ng kanilang gawain ang disposisyon at kalooban ng Diyos sa bagong kapanahunan. Gumagawa lamang sila upang alisin ang gawain ng naunang kapanahunan, hindi upang gawin ang bagong gawain para direktang kumatawan sa disposisyon ng Diyos Mismo. Kaya, kahit gaano karaming makalumang pagsasagawa ang kanilang buwagin o bagong pagsasagawa ang kanilang ipakilala, kumakatawan pa rin sila sa tao at mga nilalang. Gayunman, kapag ang Diyos Mismo ang nagsasakatuparan ng gawain, hindi Niya lantarang idinedeklara ang pagbuwag ng mga pagsasagawa ng lumang kapanahunan o direktang idinedeklara ang pagsisimula ng isang bagong kapanahunan. Direkta Siya at walang paliguy-ligoy sa Kanyang gawain. Tahasan Siya sa pagganap ng binabalak Niyang gawin; iyon ay, direkta Siyang nagpapahayag ng gawaing pinasimulan Niya, direktang ginagawa ang Kanyang gawain ayon sa orihinal na layunin, ipinahahayag kung ano Siya at ang Kanyang disposisyon. Sa tingin ng tao, ang Kanyang disposisyon at gayon din ang Kanyang gawain ay hindi tulad niyaong sa mga nakaraang kapanahunan. Subalit, mula sa pananaw ng Diyos Mismo, pagpapatuloy lamang ito at karagdagang pag-unlad ng Kanyang gawain. Kapag gumagawa ang Diyos Mismo, ipinahahayag Niya ang Kanyang salita at direktang naghahatid ng bagong gawain. Sa kabaligtaran, kapag gumagawa ang tao, ito ay sa pamamagitan ng masusing pagtalakay at pag-aaral, o ito ay ang pagpapaunlad ng kaalaman at pagbubuo ng sistema ng pagsasagawa na itinayo sa saligan ng gawain ng iba. Ibig sabihin, ang diwa ng gawaing ginagawa ng tao ay ang sundin ang itinatag na sistema at “lumakad sa mga dating landas gamit ang mga bagong sapatos.” Ito ay nangangahulugan na kahit na ang landas na nilakaran ng mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu ay itinayo roon sa binuksan ng Diyos Mismo. Kaya, matapos ang lahat, ang tao ay tao pa rin at ang Diyos ay Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 1

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 168

Si Juan ay isinilang sa pamamagitan ng pangako, katulad ng pagkakasilang ni Isaac kay Abraham. Inihanda niya ang daan para kay Jesus at gumawa ng maraming gawain, ngunit hindi siya Diyos. Sa halip, siya ay isang propeta sapagkat inihanda lamang niya ang daan para kay Jesus. Ang kanyang gawain ay dakila rin, at pagkatapos lamang niyang naihanda ang daan saka opisyal na nagsimula ang gawain ni Jesus. Sa diwa, siya ay nagpagal lamang para kay Jesus, at ang kanyang gawain ay paglilingkod sa gawain ni Jesus. Pagkatapos niyang ihanda ang daan, sinimulan ni Jesus ang Kanyang gawain, gawain na mas bago, mas tiyak, at mas detalyado. Ginawa lamang ni Juan ang panimulang gawain; mas marami sa bagong gawain ay ginawa ni Jesus. Si Juan ay gumawa rin ng bagong gawain, ngunit hindi siya ang naghatid ng isang bagong kapanahunan. Ipinanganak si Juan sa pamamagitan ng pangako, at ibinigay ng anghel ang kanyang pangalan. Sa oras na iyon, nais ng ilan na isunod ang kanyang pangalan sa kanyang ama na si Zacarias, ngunit nagsalita ang kanyang ina, na nagsabi, “Ang batang ito ay hindi maaaring tawagin sa pangalan na iyan. Dapat siyang tawagin na Juan.” Iniutos itong lahat ng Banal na Espiritu. Si Jesus ay pinangalanan din ayon sa utos ng Banal na Espiritu, ipinanganak Siya ng Banal na Espiritu, at sa pamamagitan ng pangako ng Banal na Espiritu. Si Jesus ay ang Diyos, si Cristo, at ang Anak ng tao. Dakila rin ang gawain ni Juan, ngunit bakit hindi siya tinawag na Diyos? Ano mismo ang pagkakaiba ng gawain na ginawa ni Jesus at ng ginawa ni Juan? Ang tanging dahilan lamang ba ay si Juan ang naghanda ng daan para kay Jesus? O dahil itinalaga na ito ng Diyos? Kahit na sinabi rin ni Juan, “Mangagsisi kayo; sapagkat malapit na ang kaharian ng langit,” at nangaral din siya ng ebanghelyo ng kaharian ng langit, ang kanyang gawain ay hindi na pinaunlad pa at bumuo lamang ng simulain. Sa kaibhan, inihatid ni Jesus ang isang bagong kapanahunan at dinala rin ang lumang kapanahunan sa katapusan, ngunit tinupad din Niya ang kautusan ng Lumang Tipan. Mas dakila ang gawain na ginawa Niya kaysa kay Juan, at bukod pa rito, pumarito Siya upang tubusin ang buong sangkatauhan—ginawa Niya ang yugto ng gawain na iyan. Naghanda lamang ng daan si Juan. Kahit na dakila ang kanyang gawain, marami siyang salita, at maraming alagad ang sumunod sa kanya, walang higit na ibinunga ang kanyang gawain kundi dalhin ang isang bagong simula sa tao. Hindi kailanman nakatanggap mula sa kanya ang tao ng buhay, ng daan, o malalalim na katotohanan, at wala rin silang nakamit na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan niya. Si Juan ay isang dakilang propeta (Elias) na nagpasimuno ng bagong batayan para sa gawain ni Jesus at inihanda ang mga hinirang; siya ang tagapagpauna ng Kapanahunan ng Biyaya. Hindi makikilala ang ganitong mga bagay sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa kanilang mga normal na anyong tao. Lalo na dahil gumawa rin ng ilang mahusay na gawain si Juan at, higit pa rito, ipinanganak siya sa pamamagitan ng pangako ng Banal na Espiritu, at itinaguyod ng Banal na Espiritu ang kanyang gawain. Dahil dito, ang pagtukoy sa pagkakaiba ng kanilang mga sariling pagkakakilanlan ay maaari lamang magawa sa pamamagitan ng kanilang gawain, sapagkat hindi masasabi sa panlabas na anyo ng isang tao ang kanyang diwa, at hindi rin kaya ng tao na alamin ang tunay na patotoo ng Banal na Espiritu. Ang gawain na ginawa ni Juan at ang ginawa ni Jesus ay hindi magkatulad at magkaiba ng kalikasan. Dito matutukoy kung Diyos ba si Juan o hindi. Ang gawain ni Jesus ay ang magsimula, magpatuloy, tumapos, at tumupad. Isinagawa ni Jesus ang bawat isa sa mga hakbang na ito, samantalang ang gawain ni Juan ay hindi hihigit sa pagsisimula. Sa simula, ipinalaganap ni Jesus ang ebanghelyo at ipinangaral ang daan ng pagsisisi, pagkatapos ay nagbautismo ng tao, nagpagaling ng mga maysakit, at nagpalayas ng mga demonyo. Sa katapusan, tinubos Niya ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kinumpleto ang Kanyang gawain para sa buong kapanahunan. Nangaral din Siya sa tao at nagpalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng langit sa lahat ng lugar. Ito ay pareho kay Juan, na ang pagkakaiba ay dahil naghatid si Jesus ng isang bagong kapanahunan at nagdala sa tao ng Kapanahunan ng Biyaya. Lumabas mula sa Kanyang bibig ang salita tungkol sa dapat isagawa ng tao at ang daan na dapat sundan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya, at sa katapusan, tinapos Niya ang gawain ng pagtubos. Hindi kailanman maisasagawa ni Juan ang gayong gawain. At sa gayon, si Jesus ang gumawa ng gawain ng Diyos Mismo, at Siya ang Diyos Mismo at direktang kumakatawan sa Diyos. Sinasabi ng mga kuru-kuro ng tao na lahat niyaong isinilang sa pamamagitan ng pangako, isinilang ng Espiritu, pinagtibay ng Banal na Espiritu, at ang nagbukas ng mga bagong daan palabas ay ang Diyos. Alinsunod sa katwirang ito, si Juan ay ang Diyos din, at si Moises, si Abraham, at si David…, lahat sila ay ang Diyos din. Hindi ba ito isang malaking biro?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 1

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 169

Maaaring magtaka ang ilan, “Bakit kinakailangang ang kapanahunan ay ihatid ng Diyos Mismo? Hindi ba maaaring ang isang nilalang ay tumayo na kahalili Niya?” Batid ninyong lahat na naging tao ang Diyos para sa mismong layunin ng paghahatid ng isang bagong kapanahunan, at, siyempre, kapag inihahatid Niya ang isang bagong kapanahunan, kasabay nito ay natapos na rin Niya ang naunang kapanahunan. Ang Diyos ang Simula at ang Katapusan; Siya Mismo ang nagpapatakbo ng Kanyang gawain at kaya dapat Siya Mismo ang tatapos sa naunang kapanahunan. Iyon ang patunay na tinalo Niya si Satanas at nilupig ang mundo. Tuwing gumagawa Siya Mismo sa gitna ng tao, ito ay simula ng isang bagong labanan. Kung walang pagsisimula ng bagong gawain, natural na walang pagtatapos ng dati. At kapag walang pagtatapos ng dati, patunay ito na ang pakikipagdigma kay Satanas ay hindi pa natatapos. Tanging kung ang Diyos Mismo ang dumarating at nagsasakatuparan ng bagong gawain sa gitna ng tao na ganap na makakalaya ang tao mula sa sakop ni Satanas at makakatamo ng isang bagong buhay at bagong simula. Kung hindi, mamumuhay magpakailanman ang tao sa dating kapanahunan at mamumuhay magpakailanman sa ilalim ng dating impluwensiya ni Satanas. Sa bawa’t kapanahunan na pinangunahan ng Diyos, ang isang bahagi ng tao ay napapalaya, at sa gayon ay sumusulong ang tao kasama ng gawain ng Diyos patungo sa bagong kapanahunan. Ang tagumpay ng Diyos ay tagumpay ng lahat ng sumusunod sa Kanya. Kung ang sangkatauhang nilikha ang nakaatas na magtapos ng kapanahunan, sa pananaw man ng tao o ni Satanas, ito ay walang iba kundi isang gawa na sumasalungat o nagtataksil sa Diyos, hindi ng pagsunod sa Diyos, at ang gawa ng tao ay magiging kasangkapan para kay Satanas. Magiging ganap na kumbinsido lamang si Satanas kung tatalima at susunod ang tao sa Diyos sa isang kapanahunan na inihatid ng Diyos Mismo, dahil iyon ang tungkulin ng isang nilalang. Kaya sinasabi Ko na kailangan lamang ninyong sumunod at tumalima, at wala nang ibang hinihingi sa inyo. Iyon ang ibig sabihin ng pagtupad ng bawa’t isa sa kanyang tungkulin at pagganap ng kanyang gawain. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain at hindi kailangan ang tao na humalili sa paggawa ng Kanyang gawain, at hindi rin Niya isinasangkot ang Kanyang Sarili sa gawain ng mga nilalang. Gumaganap ang tao ng kanyang sariling tungkulin at hindi lumalahok sa gawain ng Diyos. Ito lamang ang tunay na pagsunod at patunay na natalo na si Satanas. Pagkatapos ng Diyos Mismo na maghatid sa bagong kapanahunan, hindi na Siya Mismo gumagawa sa gitna ng tao. Pagkatapos noon saka lamang opisyal na humahakbang ang tao patungo sa bagong kapanahunan upang gampanan ang kanyang tungkulin at tuparin ang kanyang misyon bilang isang nilalang. Ito ang mga prinsipyo ng paggawa ng Diyos, na hindi maaaring suwayin ninuman. Ang ganitong paraan lamang ng paggawa ang matino at makatwiran. Ang gawain ng Diyos ay ginagawa ng Diyos Mismo. Siya ang nagpapasimulang magpatakbo ng Kanyang gawain, at Siya rin ang tumatapos nito. Siya ang nagpaplano ng gawain, at Siya rin ang namamahala nito, at lalo na, Siya ang nagpapabunga sa gawain. Tulad ito ng nakasaad sa Bibliya, “Ako ang Pasimula at ang Katapusan; Ako ang Tagahasik at ang Tagaani.” Ang lahat ng may kaugnayan sa gawain ng Kanyang pamamahala ay ginagawa Niya Mismo. Siya ang Tagapamahala ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala; walang sinuman ang makakagawa ng Kanyang gawain bilang kahalili Niya o magtatapos ng Kanyang gawain, dahil Siya ang may kontrol ng lahat. Dahil nilikha Niya ang mundo, aakayin Niya ang buong mundo na mamuhay sa Kanyang liwanag, at tatapusin Niya rin ang buong kapanahunan upang dalhin ang lahat ng Kanyang plano sa katuparan!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 1

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 170

Ang buong disposisyon ng Diyos ay naibunyag sa buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Ito ay hindi lamang naibunyag sa Kapanahunan ng Biyaya, ni sa Kapanahunan ng Kautusan, o lalo na sa panahong ito lamang ng mga huling araw. Ang gawain na isinasagawa sa mga huling araw ay kumakatawan sa paghatol, poot at pagkastigo. Ang gawain na isinasagawa sa mga huling araw ay hindi maaaring pumalit sa gawain sa Kapanahunan ng Kautusan o doon sa Kapanahunan ng Biyaya. Gayunman, ang tatlong yugto, kapag magkakaugnay, ay bumubuo ng iisang bagay at lahat ay gawain ng iisang Diyos. Natural, ang pagtupad ng gawaing ito ay nahahati sa magkakahiwalay na mga kapanahunan. Ang gawaing ginagampanan sa mga huling araw ay nagdadala sa lahat ng bagay sa katapusan; yaong ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan ay ang pagsisimula; at yaong ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya ay ang gawain ng pagtubos. Para naman sa mga pangitain ng gawain sa buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahalang ito, walang maaaring magkaroon ng kabatiran o pagkaunawa. Ang mga gayong pangitain ay nananatiling mga hiwaga. Sa mga huling araw, tanging ang gawain ng salita ang isinasakatuparan upang ihatid ang Kapanahunan ng Kaharian, ngunit hindi ito kumakatawan sa lahat ng mga kapanahunan. Ang mga huling araw ay hindi hihigit sa mga huling araw at hindi hihigit sa Kapanahunan ng Kaharian, at hindi kumakatawan sa Kapanahunan ng Biyaya o sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang mga huling araw ay ang panahon lamang kung saan ang lahat ng gawain sa anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay ibinubunyag sa inyo. Ito ang paglalantad ng hiwaga. Ang gayong hiwaga ay hindi mailalantad ng sinumang tao. Kahit na gaano pa kalawak ang pagkaunawa ng tao sa Bibliya, nananatili itong mga salita lamang, dahil hindi nauunawaan ng tao ang diwa ng Bibliya. Kapag ang tao ay nagbabasa ng Bibliya, maaaring maunawaan niya ang ilang katotohanan, makapagpaliwanag ng ilang salita o makapaghimay ng ilang tanyag na talata at sipi sa kanyang bahagyang pagsisiyasat, ngunit hindi kailanman niya mapapakawalan ang kahulugang nakapaloob sa mga salitang iyon, dahil ang nakikita lang ng tao ay mga salitang walang buhay, hindi ang mga eksena ng gawain ni Jehova at ni Jesus, at hindi kayang lutasin ng tao ang hiwaga ng nasabing gawain. Samakatuwid, ang hiwaga ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay ang pinakadakilang hiwaga, ang siyang pinakanatatago at lubusang hindi maaarok ng tao. Walang sinumang direktang makakaunawa sa kalooban ng Diyos, maliban kung ang Diyos Mismo ang nagpapaliwanag at naghahayag nito sa tao; kung hindi, mananatili ang mga yaon na palaisipan sa tao magpakailanman at mananatiling mga hiwagang sarado magpakailanman. Lalo namang hindi ang mga nasa mundo ng relihiyon; kung hindi kayo nasabihan ngayon, hindi rin kayo makakaunawa. Ang gawaing ito ng anim na libong taon ay higit na misteryoso kaysa lahat ng propesiya ng mga propeta. Ito ang pinakadakilang misteryo simula noong paglikha hanggang ngayon, at walang sinuman sa mga propeta ang nagawa kailanman na arukin ito, sapagkat ang misteryong ito ay inilalantad lamang sa panghuling kapanahunan at hindi pa kailanman nabunyag noong una. Kung nauunawaan ninyo ang misteryong ito at nagagawang tanggapin ito nang lubos, yaong mga relihiyosong tao ay malulupig na lahat ng misteryong ito. Ito lamang ang pinakadakila sa mga pangitain, na siyang pinakakinasasabikan ng tao na maunawaan ngunit siya rin namang pinaka-hindi maliwanag sa kanya. Nang kayo ay nasa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ninyo alam kung tungkol saan ang gawain na ginampanan ni Jesus ni yaong ginampanan ni Jehova. Hindi naunawaan ng mga tao kung bakit si Jehova ay nagtakda ng mga kautusan, kung bakit hiningi Niya sa mga tao na panatilihin ang mga kautusan o kung bakit kailangang maitayo ang templo, at lalong hindi naunawaan ng mga tao kung bakit ang mga Israelita ay pinangunahan mula sa Ehipto hanggang sa ilang at pagkatapos ay hanggang sa Canaan. Sa araw na ito lamang ibinunyag ang mga bagay na ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 171

Walang sinuman ang may kakayahang mamuhay nang mag-isa maliban sa kanila na binigyan ng natatanging tagubilin at paggabay ng Banal na Espiritu, sapagkat kinakailangan nila ang ministeryo at pagpapastol nilang mga ginagamit ng Diyos. Kaya, sa bawat kapanahunan nagbabangon ang Diyos ng iba’t ibang tao na abalang nagmamadali sa pagpapastol sa mga iglesia para sa kapakanan ng Kanyang gawain. Na ang ibig sabihin, ang gawain ng Diyos ay dapat gampanan sa pamamagitan nilang Kanyang kinalulugdan at sinasang-ayunan; dapat gamitin ng Banal na Espiritu ang bahagi sa loob nila na karapat-dapat gamitin para makagawa ang Banal na Espiritu, at ginagawa silang angkop para gamitin ng Diyos sa pamamagitan ng pagperpekto sa kanila ng Banal na Espiritu. Sapagkat ang kakayahan ng tao na makaunawa ay labis na kapos, dapat siyang maipastol ng mga taong ginagamit ng Diyos; kagaya ito ng paggamit ng Diyos kay Moises, kung kanino Siya nakatagpo ng marami na angkop sa paggamit noong panahong iyon, at na Kanyang ginamit upang gampanan ang gawain ng Diyos sa yugtong iyon. Sa yugtong ito, ginagamit ng Diyos ang isang tao habang sinasamantala ang bahagi niya na maaaring gamitin ng Banal na Espiritu para makagawa, at ang Banal na Espiritu ay ginagabayan siya at kasabay nito’y ginagawang perpekto ang natitirang bahagi na hindi magagamit.

Ang gawain na isinasakatuparan niyang ginagamit ng Diyos ay ang makipagtulungan sa gawain ni Cristo o ng Banal na Espiritu. Ang taong ito ay itinataas ng Diyos sa gitna ng mga tao, siya ay naroon upang pangunahan ang lahat ng hinirang ng Diyos, at siya ay itinataas din ng Diyos upang gampanan ang gawain ng pagtutulungan ng tao. Kasama ang isang gaya nito, na nagagawang gampanan ang pagtutulungan ng tao, mas marami pa sa mga kinakailangan ng Diyos mula sa tao at sa gawaing kailangang gampanan ng Banal na Espiritu sa gitna ng tao ay matatamo sa pamamagitan niya. Ang isa pang paraan ng pagsasabi nito ay kagaya nito: Ang mithiin ng Diyos sa paggamit sa taong ito ay upang lalong maunawaan ng lahat yaong mga sumusunod sa Diyos ang kalooban ng Diyos, at makamit ang higit pa sa mga kinakailangan ng Diyos. Sapagkat ang mga tao ay walang kakayahan na tuwirang maunawaan ang mga salita ng Diyos o ang kalooban ng Diyos, itinaas ng Diyos ang isang tao na siyang ginagamit upang isakatuparan ang gayong gawain. Ang taong ito na ginagamit ng Diyos ay maaari ring ilarawan bilang isang paraan kung saan ginagabayan ng Diyos ang mga tao, o bilang “tagasalin” na nakikipagtalastasan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Kaya’t ang gayong tao ay hindi kagaya ninuman sa kanila na gumagawa sa sambahayan ng Diyos o na Kanyang mga apostol. Kagaya nila, maaaring sabihin na siya ay naglilingkod sa Diyos, ngunit sa diwa ng kanyang gawain at sa likod ng paggamit sa kanya ng Diyos ay malaki ang pagkakaiba niya mula sa ibang mga manggagawa at mga apostol. Kung ang pag-uusapan ay ang diwa ng kanyang gawain at ang nasa likod ng paggamit sa kanya, ang tao na ginagamit ng Diyos ay itinataas Niya, inihahanda siya ng Diyos para sa gawain ng Diyos, at siya ay nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos Mismo. Walang sinumang tao ang maaaring gumawa ng kanyang gawain para sa kanya—ito ay pakikipagtulungan ng tao na kailangang-kailangang kaagapay ng banal na gawain. Samantala, ang gawaing isinasakatuparan ng ibang mga manggagawa o mga apostol ay paghahatid at pagsasakatuparan lamang ng maraming aspeto ng mga pagsasaayos para sa mga iglesia sa bawat panahon, o kaya nama’y gawain ng ilang payak na pantustos ng buhay upang mapanatili ang buhay-iglesia. Ang mga manggagawa at mga apostol na ito ay hindi hinirang ng Diyos, lalong hindi sila matatawag na mga ginagamit ng Banal na Espiritu. Sila ay pinipili mula sa mga iglesia at, pagkatapos silang sanayin at linangin sa loob ng ilang panahon, silang mga angkop ay pinananatili, habang iyong mga hindi angkop ay pinababalik kung saan sila nanggaling. Sapagkat ang mga taong ito ay pinili mula sa mga iglesia, ipinakikita ng ilan ang kanilang totoong mga kulay pagkatapos maging mga pinuno, at ang ilan ay gumagawa pa nga ng maraming masasamang bagay at naaalis sa bandang huli. Ang taong ginagamit ng Diyos, sa kabilang dako, ay siyang inihanda ng Diyos, at siyang nagtataglay ng partikular na kakayahan, at mayroong pagkatao. Maaga siyang naihanda at nagawang perpekto ng Banal na Espiritu, at ganap na pinangunahan ng Banal na Espiritu, at, lalo na pagdating sa kanyang gawain, siya ay tinagubilinan at inutusan ng Banal na Espiritu—bilang resulta, walang paglihis sa landas ng pangunguna sa mga hinirang ng Diyos, sapagkat tiyak na pananagutan ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, at ginagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain sa lahat ng pagkakataon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Paggamit ng Diyos sa Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 172

Ang gawaing nasa daloy ng Banal na Espiritu, sariling gawain man ng Diyos o gawain ng mga taong kinakasangkapan, ay ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang diwa ng Diyos Mismo ay ang Espiritu, na matatawag na Banal na Espiritu o ang Espiritung pinatindi nang pitong ulit. Sa kabuuan, Sila ang Espiritu ng Diyos, bagama’t tinawag na ang Espiritu ng Diyos sa iba-ibang katawagan sa iba’t ibang kapanahunan. Iisa pa rin ang Kanilang diwa. Samakatuwid, ang gawain ng Diyos Mismo ay ang gawain ng Banal na Espiritu, habang ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay walang iba kundi ang Banal na Espiritu na gumagawa. Ang gawain ng mga taong kinakasangkapan ay ang gawain din ng Banal na Espiritu. Subalit ang gawain ng Diyos ang ganap na pagpapahayag ng Banal na Espiritu, na talagang totoo, samantalang ang gawain ng mga taong kinakasangkapan ay may kahalong maraming bagay ng tao, at hindi ito ang tuwirang pagpapahayag ng Banal na Espiritu, lalong hindi ang Kanyang ganap na pagpapahayag. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay iba-iba at hindi limitado ng anumang mga kundisyon. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay nag-iiba-iba sa iba’t ibang tao; nagpapakita ito ng iba’t ibang diwa, at nagkakaiba-iba ayon sa kapanahunan, gayundin ayon sa bansa. Mangyari pa, bagama’t gumagawa ang Banal na Espiritu sa maraming iba’t ibang paraan at ayon sa maraming prinsipyo, paano man ginagawa ang gawain o sa anumang klase ng mga tao, palaging iba ang diwa nito; lahat ng gawaing ginagawa sa iba’t ibang tao ay may mga prinsipyo, at lahat ng iyon ay maaaring kumatawan sa diwa ng mga taong pinag-uukulan nito. Ito ay dahil ang gawain ng Banal na Espiritu ay medyo partikular ang saklaw at medyo sukat. Ang gawaing ginagawa sa nagkatawang-taong laman ay hindi kapareho ng gawaing isinasagawa sa mga tao, at nag-iiba-iba rin ang gawain ayon sa kakayahan ng mga taong ginagawan nito. Ang gawaing ginagawa sa nagkatawang-taong laman ay hindi ginagawa sa mga tao, at hindi ito kapareho ng gawaing ginagawa sa mga tao. Sa madaling salita, paano man ito ginagawa, ang gawaing isinasagawa sa iba’t ibang taong pinag-uukulan nito ay hindi kailanman pare-pareho, at ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng Kanyang paggawa ay naiiba alinsunod sa mga kalagayan at likas na pagkatao ng iba’t ibang tao kung kanino Siya gumagawa. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa iba’t ibang tao batay sa kanilang likas na diwa at walang hinihiling na anuman sa kanila na lampas pa sa diwang iyon, ni hindi Siya gumagawa sa kanila na lampas pa sa kanilang likas na kakayahan. Kaya, ang gawain ng Banal na Espiritu sa tao ay tinutulutan ang mga tao na makita ang diwa ng taong pinag-uukulan ng gawaing iyon. Hindi nagbabago ang likas na diwa ng tao; limitado ang kanyang likas na kakayahan. Kinakasangkapan ng Banal na Espiritu ang mga tao o gumagawa sa kanila alinsunod sa mga limitasyon ng kanilang kakayahan, upang makinabang sila mula rito. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga taong kinakasangkapan, lumalabas, hindi pinipigil, ang mga talento at likas na kakayahan ng mga taong iyon. Ang kanilang likas na kakayahan ay ibinubuhos sa paglilingkod sa gawain. Masasabi na kinakasangkapan Niya ang mga bahagi ng mga taong maaaring kasangkapanin sa Kanyang gawain, upang makamtan ang mga resulta sa gawaing iyon. Sa kabilang dako, ang gawaing isinasagawa sa nagkatawang-taong laman ay direktang ipinapahayag ang gawain ng Espiritu at hindi nahaluan ng isipan at mga saloobin ng tao; hindi ito kayang abutin ng mga kaloob ng tao, ni ng karanasan ng tao, ni ng likas na kundisyon ng tao. Ang layunin ng lahat ng napakaraming gawain ng Banal na Espiritu ay para makinabang at maturuan ang tao. Gayunman, maaaring gawing perpekto ang ilang tao habang ang iba ay walang taglay na mga kundisyon para maperpekto, na ibig sabihin ay hindi sila magagawang perpekto at halos hindi maliligtas, at kahit maaaring nagkaroon na sila ng gawain ng Banal na Espiritu, sa huli ay aalisin sila. Ibig sabihin ay kahit ang gawain ng Banal na Espiritu ay upang maturuan ang mga tao, hindi masasabi ng isang tao na lahat ng nagkaroon na ng gawain ng Banal na Espiritu ay ganap na gagawing perpekto, dahil ang landas na tinatahak ng maraming tao ay hindi ang landas tungo sa pagiging perpekto. Mayroon lamang silang gawain ng Banal na Espiritu, hindi ang pansariling pakikipagtulungan ni ang tamang pagsusumikap ng tao. Sa gayon, ang gawain ng Banal na Espiritu sa mga taong ito ay naglilingkod sa mga ginagawang perpekto. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi direktang makikita ng mga tao, ni hindi direktang mahahawakan ng mga tao mismo. Maipapahayag lamang ito ng mga pinagkalooban ng gawain, na ibig sabihin ay na ang gawain ng Banal na Espiritu ay ipinagkakaloob sa mga tagasunod sa pamamagitan ng mga pagpapahayag na ginagawa ng mga tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 173

Ang gawain ng Banal na Espiritu ay isinasakatuparan at tinatapos sa pamamagitan ng maraming uri ng mga tao at maraming iba’t ibang kalagayan. Kahit ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay maaaring kumatawan sa gawain ng isang buong kapanahunan, at maaaring kumatawan sa pagpasok ng mga tao sa isang buong kapanahunan, ang gawain sa mga detalye ng pagpasok ng mga tao ay kailangan pa ring gawin ng mga taong kinakasangkapan ng Banal na Espiritu, hindi ng Diyos na nagkatawang-tao. Kaya, ang gawain ng Diyos, o ang sariling ministeryo ng Diyos, ay ang gawain ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, na hindi magagawa ng tao para sa Kanya. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay tinatapos sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng mga tao; walang iisang taong makakagawa nito nang buo, at walang iisang taong makapagpapahayag nito nang lubusan. Yaong mga namumuno sa mga iglesia ay hindi rin maaaring kumatawan nang lubusan sa gawain ng Banal na Espiritu; maaari lamang silang gumawa ng ilang gawain ng pamumuno. Sa gayon ay maaaring hatiin ang gawain ng Banal na Espiritu sa tatlong bahagi: Ang sariling gawain ng Diyos, ang gawain ng mga taong kinakasangkapan, at ang gawain sa lahat ng nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang sariling gawain ng Diyos ay ang mamuno sa buong kapanahunan; ang gawain ng mga kinakasangkapan, na isinugo o tumanggap ng mga tagubilin nang matapos ng Diyos ang Kanyang gawain, ay mamuno sa lahat ng tagasunod ng Diyos, at sila ang mga taong nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos; ang gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu sa mga nasa daloy ay ang panatilihin ang lahat ng Kanyang sariling gawain, ibig sabihin, ang panatilihin ang Kanyang buong pamamahala at Kanyang patotoo, habang ginagawang perpekto kaagad yaong mga magagawang perpekto. Magkakasama, ang tatlong bahaging ito ang buong gawain ng Banal na Espiritu, ngunit kung wala ang gawain ng Diyos Mismo, ang gawaing pamamahala ay hindi makakasulong sa kabuuan nito. Ang gawain ng Diyos Mismo ay kinapapalooban ng gawain ng buong sangkatauhan, at kumakatawan din sa gawain ng buong kapanahunan, na ibig sabihin ay na ang sariling gawain ng Diyos ay kumakatawan sa bawat galaw at kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu, samantalang dumarating ang gawain ng mga apostol matapos ang sariling gawain ng Diyos at kasunod nito, at hindi ito ang namumuno sa kapanahunan, ni kumakatawan sa mga kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu sa isang buong kapanahunan. Ginagawa lamang nila ang gawaing kailangang gawin ng tao, na walang anumang kinalaman sa gawaing pamamahala. Ang gawaing isinakatuparan ng Diyos Mismo ay isang proyektong napapaloob sa gawaing pamamahala. Ang gawain ng tao ay tungkulin lamang na ginagampanan ng mga taong kinakasangkapan, at hindi ito nauugnay sa gawaing pamamahala. Sa kabila ng katotohanan na parehong gawain ng Banal na Espiritu ang mga ito, dahil sa mga pagkakaiba sa mga pagkakakilanlan at pagkakatawan ng gawain, may malinaw at makabuluhang pagkakaiba sa pagitan ng sariling gawain ng Diyos at gawain ng tao. Bukod dito, ang lawak ng gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu ay magkakaiba sa mga taong pinag-uukulan nito na may iba’t ibang pagkakakilanlan. Ito ang mga prinsipyo at saklaw ng gawain ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 174

Ang gawain ng tao ay nagpapahiwatig ng kanyang karanasan at kanyang pagkatao. Ang ibinibigay at ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanya. Ang kabatiran, pangangatwiran, lohika, at mayamang imahinasyon ng tao ay kasamang lahat sa kanyang gawain. Ang karanasan ng tao ay mas naipapahiwatig ang kanyang gawain, at ang mga karanasan ng isang tao ay nagiging mga bahagi ng kanyang gawain. Ang gawain ng tao ay maaaring magpahayag ng kanyang karanasan. Kapag negatibo ang karanasan ng ilang tao, karamihan sa pananalita ng kanilang pagbabahagi ay binubuo ng mga negatibong elemento. Kung positibo ang kanilang karanasan sa loob ng ilang panahon at lalo silang may isang landas sa positibong aspeto, lubhang nakakasigla ang kanilang ibinabahagi, at maaaring magtamo ng positibong mga panustos ang mga tao mula sa kanila. Kung ang isang manggagawa ay nagiging negatibo sa loob ng ilang panahon, laging magdadala ng negatibong mga elemento ang kanyang pagbabahagi. Nakakalungkot ang ganitong uri ng pagbabahagi, at hindi sinasadyang nalulumbay ang iba pagkatapos niyang magbahagi. Nagbabago ang kalagayan ng mga tagasunod batay sa kalagayan ng pinuno. Anuman ang nasa kalooban ng manggagawa, iyon ang kanyang ipinapahayag, at kadalasan ay nagbabago ang gawain ng Banal na Espiritu ayon sa kalagayan ng tao. Siya ay gumagawa ayon sa karanasan ng mga tao at hindi Niya sila pinipilit, ngunit humihingi Siya sa mga tao ayon sa normal na takbo ng kanilang karanasan. Ang ibig sabihin nito ay na ang pagbabahagi ng tao ay naiiba sa salita ng Diyos. Ipinararating ng ibinabahagi ng tao ang kanilang indibidwal na mga kabatiran at karanasan, ipinapahayag ang kanilang mga kabatiran at karanasan batay sa gawain ng Diyos. Ang kanilang responsibilidad ay alamin, pagkatapos gumawa o magsalita ang Diyos, kung ano ang kailangan nilang isagawa o pasukin, at pagkatapos ay ihatid ito sa mga tagasunod. Samakatuwid, ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanyang pagpasok at pagsasagawa. Mangyari pa, ang ganitong gawain ay may kahalong mga aral at karanasan ng tao o ilang saloobin ng tao. Paano man gumagawa ang Banal na Espiritu, sa tao man o sa Diyos na nagkatawang-tao, laging ipinapahayag ng mga manggagawa kung ano sila. Kahit ang Banal na Espiritu ang gumagawa, ang gawain ay nakasalig sa kung ano ang likas sa tao, dahil hindi gumagawa ang Banal na Espiritu nang walang pundasyon. Sa madaling salita, ang gawain ay hindi nagmumula sa wala, kundi ginagawa nang naaayon sa aktwal na mga pangyayari at tunay na mga kundisyon. Sa ganitong paraan lamang mababago ang disposisyon ng tao at ang kanyang dating mga kuru-kuro at dating saloobin. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang nakikita, nararanasan, at naiisip, at kaya itong abutin ng pag-iisip ng tao, kahit ito ay doktrina o mga kuru-kuro. Hindi malalampasan ng gawain ng tao ang saklaw ng karanasan ng tao, ni ng nakikita ng tao, ni ng kayang isipin o akalain ng tao, gaano man kalaki ang gawaing iyon. Lahat ng ipinapahayag ng Diyos ay kung ano Siya Mismo, at hindi ito kayang abutin ng tao—ibig sabihin, hindi ito kayang abutin ng pag-iisip ng tao. Ipinapahayag Niya ang Kanyang gawaing pamunuan ang buong sangkatauhan, at wala itong kaugnayan sa mga detalye ng karanasan ng tao, kundi sa halip ay may kinalaman ito sa Kanyang sariling pamamahala. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang karanasan, samantalang ang ipinapahayag ng Diyos ay ang Kanyang pagiging Diyos, na Kanyang likas na disposisyon, na hindi kayang abutin ng tao. Ang karanasan ng tao ay ang kanyang kabatiran at kaalamang nakamtan batay sa pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang pagiging Diyos. Ang ganitong kabatiran at kaalaman ay tinatawag na pagkatao ng tao, at ang batayan ng pagpapahayag ng mga iyon ay ang likas na disposisyon at kakayahan ng tao—kaya nga tinatawag din ang mga iyon na pagkatao ng tao. Nagagawang ibahagi ng tao ang kanyang nararanasan at nakikita. Walang sinumang maaaring makapagbahagi ng anumang hindi pa nila naranasan, hindi pa nila nakita, o hindi kayang abutin ng kanilang pag-iisip, dahil ang mga bagay na iyon ay wala sa kanilang kalooban. Kung ang ipinapahayag ng tao ay hindi nagmumula sa kanyang karanasan, imahinasyon niya iyon o doktrina. Sa madaling salita, walang realidad sa kanyang mga salita. Kung hindi ka pa kailanman nakipag-ugnayan sa mga bagay ng lipunan, hindi mo magagawang ibahagi nang malinaw ang kumplikadong mga ugnayan ng lipunan. Kung wala kang pamilya, kapag nag-usap-usap ang ibang mga tao tungkol sa mga problema sa pamilya, hindi mo mauunawaan ang karamihan sa sinabi nila. Kaya, ang ibinabahagi ng tao at ang gawaing kanyang ginagawa ay kumakatawan sa kanyang kalooban. Kung ibinahagi ng sinuman ang kanyang pagkaunawa tungkol sa pagkastigo at paghatol, ngunit wala kang karanasan doon, hindi ka mangangahas na tanggihan ang kanyang kaalaman, lalo nang hindi ka mangangahas na siyento-por-siyentong magtiwala roon. Ito ay dahil ang kanilang ibinabahagi ay isang bagay na hindi mo pa naranasan kailanman, isang bagay na hindi mo pa nalaman kailanman, at hindi iyon kayang isipin ng isip mo. Mula sa kanilang kaalaman, lahat ng matututuhan mo ay isang landas tungo sa pagdaan sa pagkastigo at paghatol sa hinaharap. Ngunit ang landas na ito ay maaaring maging isa lamang doktrinal na kaalaman; hindi ito makakapalit sa iyong sariling pagkaunawa, lalo na sa iyong karanasan. Marahil ay iniisip mo na ang sinasabi nila ay medyo tama, ngunit sa sarili mong karanasan, alam mo na hindi iyon praktikal sa maraming paraan. Marahil pakiramdam mo ay lubos na hindi praktikal ang ilan sa naririnig mo; nagkikimkim ka ng mga kuru-kuro tungkol doon sa oras na iyon, at bagama’t tinatanggap mo iyon, nag-aatubili ka pa rin. Ngunit sa sarili mong karanasan, ang kaalamang pinagmulan ng iyong mga kuru-kuro ang nagiging paraan mo ng pagsasagawa, at habang lalo kang nagsasagawa, lalo mong nauunawaan ang tunay na halaga at kahulugan ng mga salitang iyong narinig. Matapos magkaroon ng sarili mong karanasan, maaari mo nang banggitin ang kaalamang dapat mong taglayin tungkol sa naranasan mo. Dagdag pa rito, maaari mo ring tukuyin ang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong tunay at praktikal ang kaalaman at ng mga taong ang kaalaman ay batay sa doktrina at walang halaga. Kaya, naaayon man sa katotohanan ang kaalamang sinasabi mo ay lubhang nakasalalay sa kung ikaw ay may praktikal na karanasan doon. Kapag may katotohanan sa iyong karanasan, magiging praktikal at mahalaga ang iyong kaalaman. Sa pamamagitan ng iyong karanasan, magtatamo ka rin ng paghiwatig at kabatiran, mapapalalim mo ang iyong kaalaman, at madaragdagan ang iyong karunungan at sentido kumon tungkol sa kung paano ka dapat kumilos. Ang kaalamang ipinapahayag ng mga taong walang taglay na katotohanan ay doktrina, gaano man iyon katayog. Ang ganitong uri ng tao ay maaaring napakatalino pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa laman ngunit hindi matukoy ang mga kaibhan pagdating sa mga espirituwal na gawain. Iyan ay dahil ang gayong mga tao ay wala ni isang karanasan man lamang sa mga espirituwal na bagay. Sila ang mga taong hindi naliliwanagan sa mga espirituwal na gawain at hindi nauunawaan ang mga espirituwal na bagay. Anumang uri ng kaalaman ang ipahayag mo, basta’t tungkol iyon sa iyong pagkatao, iyon ay iyong personal na karanasan, iyong tunay na kaalaman. Ang tinatalakay ng mga taong nagsasalita lamang ng doktrina—yaong mga taong walang taglay na katotohanan ni realidad—ay maaari ding tawaging kanilang pagkatao, dahil nakarating sila sa kanilang doktrina sa pamamagitan lamang ng malalim na pagninilay-nilay at ito ang bunga ng kanilang malalim na pagbubulay-bulay. Subalit ito ay doktrina lamang, walang iba kundi imahinasyon!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 175

Ang mga karanasan ng lahat ng uri ng mga tao ay kumakatawan sa mga bagay na nasa kanilang kalooban. Sinumang walang espirituwal na karanasan ay hindi maaaring magsalita tungkol sa kaalaman ng katotohanan, ni ng tamang kaalaman tungkol sa iba-ibang uri ng mga espirituwal na bagay. Ang ipinapahayag ng tao ay kung ano siya sa kanyang kalooban—iyan ang tiyak. Kung nais ng isang tao na magkaroon ng kaalaman tungkol sa mga espirituwal na bagay at sa kaalaman tungkol sa katotohanan, kailangan siyang magkaroon ng tunay na karanasan. Kung hindi ka makapagsalita nang malinaw tungkol sa sentido kumon sa buhay ng tao, paano ka pa makapagsasalita tungkol sa mga espirituwal na bagay? Yaong mga maaaring mamuno sa mga iglesia, tustusan ng buhay ang mga tao, at maging mga apostol sa mga tao ay kailangang magkaroon ng aktwal na karanasan; kailangang magkaroon sila ng tamang pagkaunawa tungkol sa mga espirituwal na bagay at ng tamang pagpapahalaga at karanasan sa katotohanan. Ang gayong mga tao lamang ang nararapat maging mga manggagawa o apostol na namumuno sa mga iglesia. Kung hindi, maaari lamang silang sumunod bilang pinakamababa at hindi maaaring mamuno, lalong hindi sila maaaring maging mga apostol na nagagawang tustusan ng buhay ang mga tao. Iyan ay dahil ang tungkulin ng mga apostol ay hindi upang magparoo’t parito o makipaglaban; iyan ay upang gawin ang gawain ng pagmiministeryo sa buhay at pamumuno sa iba sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon. Yaong mga gumaganap sa tungkuling ito ay binigyan ng tagubiling bumalikat ng mabigat na responsibilidad, na hindi kakayaning gawin ng kahit sino. Ang uring ito ng gawain ay maaari lamang gawin ng mga yaon na may kahulugan ang buhay, ibig sabihin, yaong mga may karanasan sa katotohanan. Hindi ito maaaring gawin ng kahit sino na maaaring magbitiw, magparoo’t parito, o handang gugulin ang kanilang sarili; ang mga taong walang karanasan sa katotohanan, na hindi pa natabasan o nahatulan, ay hindi nagagawa ang ganitong uri ng gawain. Ang mga taong walang karanasan, ang mga taong walang realidad, ay hindi nakikita nang malinaw ang realidad dahil sila mismo ay walang ganitong uri ng pagkatao. Kaya, ang ganitong uri ng tao ay hindi lamang hindi nagagawang gawin ang gawaing mamuno, kundi, kung mananatiling wala sa kanila ang katotohanan sa loob ng mahabang panahon, palalayasin sila. Ang kabatirang ipinapahayag mo ay maaaring magpatunay sa mga paghihirap na naranasan mo sa buhay, sa mga bagay kaya ka nakastigo, at sa mga isyu kaya ka nahatulan. Totoo rin ito sa mga pagsubok: Kung saan pinino ang isang tao, ay kung saan mahina ang isang tao—ito ang mga bagay kung saan may karanasan ang isang tao, kung saan may landas ang isang tao. Halimbawa, kung may isang taong nagdaranas ng mga kabiguan sa pagsasama nilang mag-asawa, madalas nilang ibabahagi, “Salamat sa Diyos, purihin ang Diyos, kailangan kong palugurin ang hangarin ng puso ng Diyos at ialay ang aking buong buhay, at kailangan kong ipaubaya nang lubusan ang pagsasama naming mag-asawa sa mga kamay ng Diyos. Handa akong ialay ang buong buhay ko sa Diyos.” Lahat ng bagay na nasa kalooban ng tao ay maaaring magpamalas kung ano siya sa pamamagitan ng pagbabahagi. Ang bilis ng pananalita ng isang tao, nagsasalita man siya nang malakas o tahimik—ang gayong mga bagay ay hindi mga bagay ng karanasan at hindi maaaring kumatawan sa kung ano ang mayroon sila at ano sila. Masasabi lamang ng mga bagay na ito kung ang katangian ng isang tao ay mabuti o masama, o kung mabuti o masama ang kanilang likas na pagkatao, ngunit hindi nito masasabi kung may karanasan ang isang tao. Ang kakayahang ipahayag ang sarili kapag nagsasalita, o ang kasanayan o bilis ng pananalita, ay nakukuha lamang sa pagsasanay at hindi makakapalit sa karanasan ng isang tao. Kapag bumabanggit ka tungkol sa iyong indibiduwal na mga karanasan, ibinabahagi mo ang para sa iyo ay mahalaga at lahat ng bagay na nasa iyong kalooban. Ang Aking pananalita ay kumakatawan sa Aking pagkatao, ngunit ang Aking sinasabi ay hindi kayang abutin ng tao. Ang Aking sinasabi ay hindi yaong nararanasan ng tao, at hindi iyon isang bagay na makikita ng tao; hindi rin iyon isang bagay na mahahawakan ng tao, kundi kung ano Ako. Kinikilala lamang ng ilang tao na ang Aking ibinabahagi ay ang Aking naranasan, ngunit hindi nila kinikilala na iyon ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu. Mangyari pa, ang Aking sinasabi ay ang Aking naranasan. Ako ang siyang nakagawa ng gawaing pamamahala sa loob ng anim na libong taon. Naranasan Ko ang lahat mula sa simula ng paglikha sa sangkatauhan hanggang ngayon; paanong hindi Ko iyon magagawang talakayin? Pagdating sa likas na pagkatao ng tao, nakita Ko na nang malinaw; matagal Ko na itong napagmasdan. Paanong hindi Ko iyon magagawang banggitin nang malinaw? Dahil nakita Ko na nang malinaw ang pinakadiwa ng tao, kwalipikado Akong kastiguhin ang tao at hatulan siya, dahil lahat ng tao ay nagmula sa Akin ngunit nagawang tiwali ni Satanas. Mangyari pa, kwalipikado rin Akong suriin ang gawaing Aking nagawa. Bagama’t ang gawaing ito ay hindi ginagawa ng Aking katawang-tao, ito ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu, at ito ang kung ano ang mayroon Ako at ano Ako. Samakatuwid, kwalipikado Akong ipahayag ito at gawin ang gawaing kailangan Kong gawin. Ang sinasabi ng mga tao ay ang naranasan nila. Iyon ang nakita nila, ang naaabot ng kanilang isipan, at ang nadarama ng kanilang mga pandama. Iyon ang maaari nilang ibahagi. Ang mga salitang sinambit ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ay ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu at nagpapahayag ng gawaing nagawa ng Espiritu, na hindi pa naranasan o nakita ng katawang-tao, subalit ipinapahayag pa rin Niya ang Kanyang pagkatao, sapagkat ang diwa ng katawang-tao ay ang Espiritu, at ipinapahayag Niya ang gawain ng Espiritu. Gawain iyon na nagawa na ng Espiritu, bagama’t hindi iyon maabot ng katawang-tao. Matapos ang pagkakatawang-tao, sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katawang-tao, binibigyan Niya ng kakayahan ang mga tao na malaman ang pagiging Diyos ng Diyos at tinutulutan ang mga tao na makita ang disposisyon ng Diyos at ang gawaing Kanyang nagawa. Ang gawain ng tao ay nagbibigay sa mga tao ng higit na kalinawan kung ano ang dapat nilang pasukin at kung ano ang dapat nilang maunawaan; kinapapalooban ito ng pag-akay sa mga tao tungo sa pag-unawa at pagdanas ng katotohanan. Ang gawain ng tao ay alalayan ang mga tao; ang gawain ng Diyos ay ang magbukas ng mga bagong landas at mga bagong kapanahunan para sa sangkatauhan, at ibunyag sa mga tao yaong hindi alam ng mga mortal, na nagbibigay-kakayahan sa kanila na malaman ang Kanyang disposisyon. Ang gawain ng Diyos ay pamunuan ang buong sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 176

Lahat ng gawain ng Banal na Espiritu ay isinasagawa upang makinabang ang mga tao. Tungkol lahat iyon sa paghubog sa mga tao; walang gawain na hindi kapaki-pakinabang sa mga tao. Malalim man o mababaw ang katotohanan, at kahit gaano man ang kakayahan ng mga tumatanggap sa katotohanan, anuman ang ginagawa ng Banal na Espiritu, kapaki-pakinabang iyon sa mga tao. Ngunit ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi maaaring gawin nang tuwiran; kailangan itong ipahayag sa pamamagitan ng mga taong nakikipagtulungan sa Kanya. Doon lamang matatamo ang mga resulta ng gawain ng Banal na Espiritu. Mangyari pa, kapag tuwirang gumagawa ang Banal na Espiritu, wala man lamang iyong bahid-dungis; ngunit kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng tao, labis iyong nadudungisan at hindi iyon ang orihinal na gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, nagbabago ang katotohanan sa magkakaibang antas. Hindi natatanggap ng mga tagasunod ang orihinal na layunin ng Banal na Espiritu kundi ang pinagsamang gawain ng Banal na Espiritu at ng karanasan at kaalaman ng tao. Ang bahaging natatanggap ng mga tagasunod na gawain ng Banal na Espiritu ay tama, samantalang ang karanasan at kaalaman ng tao na natatanggap nila ay iba-iba dahil magkakaiba ang mga manggagawa. Ang mga manggagawang may kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu ay patuloy na magkakaroon ng mga karanasan batay sa kaliwanagan at patnubay na ito. Nakapaloob sa mga karanasang ito ang magkasamang isipan at karanasan ng tao, pati na ang pagkatao ng tao, at pagkatapos, natatamo nila ang kaalaman o kabatirang dapat ay mayroon sila. Ito ang paraan ng pagsasagawa ng tao matapos maranasan ang katotohanan. Ang paraang ito ng pagsasagawa ay hindi palaging magkakapareho, dahil magkakaiba ang pagdanas ng mga tao at iba-iba ang mga bagay na nararanasan ng mga tao. Sa ganitong paraan, ang parehong kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay nagbubunga ng iba’t ibang kaalaman at pagsasagawa, dahil magkakaiba ang mga taong tumatanggap ng kaliwanagan. Ang ilang tao ay nakakagawa ng maliliit na pagkakamali habang nagsasagawa habang ang ilan naman ay nakakagawa ng malalaking pagkakamali, at ang ilan ay puro mali ang ginagawa. Ito ay dahil magkakaiba ang kakayahang makaunawa ng mga tao at dahil magkakaiba rin ang kanilang likas na mga kakayahan. Ang ilang tao ay may isang uri ng pagkaunawa matapos marinig ang isang mensahe, at ang ilang tao naman ay may ibang pagkaunawa matapos marinig ang isang katotohanan. Lumilihis nang bahagya ang ilang tao, samantalang ni hindi man lamang nauunawaan ng ilan ang tunay na kahulugan ng katotohanan. Samakatuwid, idinidikta ng pang-unawa ng isang tao kung paano niya pamumunuan ang iba; totoo talaga ito, dahil ang gawain ng isang tao ay isang pagpapahayag lamang ng kanyang pagkatao. Ang mga taong pinamumunuan ng mga may tamang pagkaunawa sa katotohanan ay magkakaroon din ng tamang pagkaunawa sa katotohanan. Kahit may mga taong nagkakamali sa kanilang pagkaunawa, kakaunti lamang sila, at hindi lahat ay magkakaroon ng mga kamalian. Kung may mga kamalian ang isang tao sa kanyang pagkaunawa sa katotohanan, siguradong magkakamali rin ang mga sumusunod sa kanya, at ang mga taong ito ay magkakamali sa lahat ng posibleng paraan. Ang antas ng pagkaunawa ng mga tagasunod sa katotohanan ay lubos na nakasalalay sa mga manggagawa. Mangyari pa, ang katotohanan mula sa Diyos ay tama at walang mali, at talagang tiyak. Gayunman, hindi lubos na tama ang mga manggagawa at hindi masasabi na lubos silang maaasahan. Kung ang mga manggagawa ay may napakapraktikal na paraan sa pagsasagawa ng katotohanan, magkakaroon din ang mga tagasunod ng isang paraan ng pagsasagawa. Kung walang paraan ang mga manggagawa para isagawa ang katotohanan kundi mayroon lamang silang doktrina, hindi magkakaroon ng anumang realidad ang mga tagasunod. Ang kakayahan at likas na pagkatao ng mga tagasunod ay natutukoy sa pagsilang at walang kaugnayan sa mga manggagawa, ngunit ang abot ng pang-unawa ng mga tagasunod sa katotohanan at pagkilala sa Diyos ay nakasalalay sa mga manggagawa (ganito lamang ito para sa ilang tao). Anuman ang isang manggagawa, magkakagayon din ang mga tagasunod na kanyang pinamumunuan. Ang ipinahahayag ng isang manggagawa ay ang kanyang sariling pagkatao, nang walang pasubali. Ang mga ipinagagawa niya sa mga sumusunod sa kanya ay yaong handa siya o kaya niyang gawin. Karamihan sa mga manggagawa ay ginagamit ang ginagawa nila mismo bilang batayan ng mga ipinagagawa nila sa kanilang mga tagasunod, kahit marami dito ang hindi man lamang magawa ng kanilang mga tagasunod—at yaong hindi magawa ng isang tao ay nagiging isang balakid sa kanyang pagpasok.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 177

Mas kakaunti ang paglihis sa gawain ng mga nagdaan sa pagtatabas, pakikitungo, paghatol at pagkastigo, at ang pagpapahayag ng kanilang gawain ay mas lalong tumpak. Ang mga umaasa sa kanilang naturalesa sa gawain ay nakakagawa ng medyo malalaking pagkakamali. Ang gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto ay labis na nagpapahayag ng kanilang naturalesa, na nagiging isang malaking balakid sa gawain ng Banal na Espiritu. Gaano man kagaling ang kakayahan ng isang tao, kailangan din silang magdaan sa pagtatabas, pakikitungo, at paghatol bago nila magawa ang gawain ng tagubilin ng Diyos. Kung hindi pa sila dumaan sa gayong paghatol, ang kanilang gawain, gaano man kahusay ginawa, ay hindi maaaring umayon sa mga prinsipyo ng katotohanan at palaging isang produkto ng kanilang sariling naturalesa at kabutihan bilang tao. Ang gawain ng mga nagdaan na sa pagtatabas, pakikitungo, at paghatol ay mas lalong tumpak kaysa sa gawain ng mga hindi pa natabasan, napakitunguhan, at nahatulan. Yaong mga hindi pa nagdaan sa paghatol ay walang ipinapahayag kundi ang laman at mga saloobin ng tao, na may kahalong maraming katalinuhan at likas na talento ng tao. Hindi ito ang tumpak na pagpapahayag ng tao sa gawain ng Diyos. Yaong mga sumusunod sa gayong mga tao ay inihaharap sa kanila ng kanilang likas na kakayahan. Dahil napakaraming ipinapahayag ng mga ito na kabatiran at karanasan ng tao, na halos walang kaugnayan sa orihinal na layunin ng Diyos at masyadong lihis dito, ang gawain ng ganitong uri ng tao ay hindi maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos, kundi sa halip ay dinadala sila sa harap ng tao. Kaya, ang mga hindi pa dumaan sa paghatol at pagkastigo ay hindi karapat-dapat na magsagawa ng gawaing tagubilin ng Diyos. Ang gawain ng isang karapat-dapat na manggagawa ay maaaring dalhin ang mga tao sa tamang daan at pagkalooban sila ng mas malaking pagpasok sa katotohanan. Ang kanyang gawain ay maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos. Dagdag pa rito, ang gawaing kanyang ginagawa ay maaaring mag-iba-iba sa bawat indibiduwal at hindi nakatali sa mga tuntunin, na nagtutulot sa mga tao na magkaroon ng laya at kalayaan, at binibigyan sila ng kakayahan na unti-unting lumago sa buhay at magkaroon ng mas malalim na pagpasok sa katotohanan. Ang gawain ng isang manggagawang hindi karapat-dapat ay malayung-malayo. Ang kanyang gawain ay kalokohan. Maaari lamang niyang dalhin ang mga tao sa mga tuntunin, at ang hinihingi niya sa mga tao ay hindi nag-iiba-iba sa bawat indibiduwal; hindi siya gumagawa ayon sa aktuwal na mga pangangailangan ng mga tao. Sa ganitong uri ng gawain, napakaraming tuntunin at napakaraming doktrina, at hindi nito madadala ang mga tao sa realidad, ni sa normal na pagsasagawa ng paglago sa buhay. Maaari lamang nitong bigyang-kakayahan ang mga tao na sumunod sa ilang tuntunin na walang halaga. Ang gayong uri ng paggabay ay maaari lamang iligaw ng landas ang mga tao. Inaakay ka niya na maging katulad niya; madadala ka niya tungo sa kung ano ang mayroon siya at ano siya. Upang matalos ng mga tagasunod kung karapat-dapat ang mga pinuno, ang mahalaga ay tumingin sa landas na kanilang tinatahak at sa mga resulta ng kanilang gawain, at tingnan kung ang mga tagasunod ay tumatanggap ng mga prinsipyo alinsunod sa katotohanan, at kung tumatanggap sila ng mga paraan ng pagsasagawa na angkop sa kanilang pagbabago. Dapat mong makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng naiibang gawain ng iba’t ibang uri ng mga tao; hindi ka dapat maging hangal na tagasunod. May epekto ito sa pagpasok ng mga tao. Kung hindi mo magawang kilalanin kung aling pamunuan ng tao ang may landas at alin ang wala, madali kang malilinlang. Lahat ng ito ay may tuwirang epekto sa iyong sariling buhay. Napakaraming naturalesa sa gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto; napakarami nitong kahalong kagustuhan ng tao. Ang kanilang pagkatao ay naturalesa—ang kanilang likas na pagkatao nang isilang. Hindi iyon buhay matapos mapakitunguhan o realidad matapos mabago. Paano masusuportahan ng gayong tao ang mga nagsisikap sa buhay? Ang buhay na orihinal na taglay ng tao ay ang kanyang likas na talino o talento. Ang ganitong uri ng talino o talento ay medyo malayo sa eksaktong mga hinihingi ng Diyos sa tao. Kung ang isang tao ay hindi pa nagawang perpekto at hindi pa natatabas o napapakitunguhan ang kanyang tiwaling disposisyon, magkakaroon ng malaking puwang sa pagitan ng kanyang ipinapahayag at ng katotohanan; ang kanyang ipinapahayag ay mahahaluan ng malalabong bagay, tulad ng kanyang imahinasyon at karanasan ng isang panig lamang. Bukod pa rito, paano man siya gumagawa, pakiramdam ng mga tao ay walang pangkalahatang layunin at walang katotohanang angkop para sa pagpasok ng lahat ng tao. Karamihan sa hinihingi sa mga tao ay hindi nila kayang gawin, na para bang mga pato sila na pinadadapo sa mga sanga. Ito ang gawain ng kagustuhan ng tao. Ang tiwaling disposisyon ng tao, kanyang mga saloobin, at kanyang mga kuru-kuro ay laganap sa lahat ng bahagi ng kanyang katawan. Ang tao ay hindi isinisilang na may likas na ugali na isagawa ang katotohanan, ni wala siyang likas na ugali na unawain nang tuwiran ang katotohanan. Idagdag pa riyan ang tiwaling disposisyon ng tao—kapag gumagawa ang ganitong uri ng natural na tao, hindi ba ito nakakagambala? Ngunit ang isang taong nagawang perpekto ay may karanasan sa katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao, at kaalaman tungkol sa kanilang mga tiwaling disposisyon, kaya nga ang malabo at di-totoong mga bagay sa kanyang gawain ay unti-unting nababawasan, nababawasan ang mga pagkahalo ng tao, at lalo pang napapalapit ang kanyang gawain at paglilingkod sa mga pamantayang kinakailangan ng Diyos. Sa gayon, nakapasok na ang kanyang gawain sa realidad ng katotohanan at naging makatotohanan na rin ang kanyang gawain. Ang mga saloobin sa isipan ng tao lalo na ay sagabal sa gawain ng Banal na Espiritu. Mayaman ang imahinasyon at makatwirang lohika ng tao, at nagkaroon na siya ng mahabang karanasan sa pangangasiwa sa mga kaganapan. Kung ang mga aspetong ito ng tao ay hindi dumaraan sa pagtatabas at pagwawasto, lahat ng ito ay mga balakid sa gawain. Samakatuwid, hindi maisasagawa ng gawain ng tao ang pinakamataas na antas ng katumpakan, lalo na ng gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 178

Ang gawain ng tao ay nananatili sa loob ng isang saklaw at limitado ito. Magagawa lamang ng isang tao ang gawain ng isang tiyak na yugto at hindi magagawa ang gawain ng buong kapanahunan—kung hindi, pamumunuan niya ang mga tao sa gitna ng mga panuntunan. Ang gawain ng tao ay maaari lamang umangkop sa isang partikular na panahon o yugto. Ito ay dahil ang karanasan ng tao ay mayroong saklaw. Hindi maikukumpara ng isang tao ang gawain ng tao sa gawain ng Diyos. Ang mga paraan ng pagsasagawa ng tao at ang kanyang kaalaman tungkol sa katotohanan ay angkop lahat sa isang partikular na saklaw. Hindi mo masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay ganap na kalooban ng Banal na Espiritu, dahil maaari lamang liwanagan ng Banal na Espiritu ang tao, at hindi maaaring ganap na mapuspos ng Banal na Espiritu. Lahat ng bagay na maaaring maranasan ng tao ay nasa saklaw ng normal na pagkatao at hindi maaaring lumampas sa saklaw ng mga saloobin ng normal na isipan ng tao. Lahat ng makapagsasabuhay sa realidad ng katotohanan ay dumaranas sa loob ng saklaw na ito. Kapag nararanasan nila ang katotohanan, palagi itong isang karanasan sa normal na buhay ng tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu; hindi ito isang paraan ng pagdanas na lihis mula sa normal na buhay ng tao. Nararanasan nila ang katotohanang niliwanagan ng Banal na Espiritu sa pundasyon ng kanilang pamumuhay bilang tao. Bukod pa rito, ang ganitong katotohanan ay iba-iba sa bawat tao, at ang lalim nito ay nauugnay sa kalagayan ng tao. Masasabi lamang ng isang tao na ang landas na kanilang tinatahak ay ang normal na buhay ng isang taong naghahanap sa katotohanan, at maaari itong tawaging landas na tinahak ng isang normal na tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu. Hindi niya masasabi na ang landas na kanilang tinatahak ay ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Sa normal na karanasan ng tao, dahil hindi pare-pareho ang mga taong naghahanap, hindi rin pare-pareho ang gawain ng Banal na Espiritu. Dagdag pa rito, dahil hindi pare-pareho ang mga sitwasyong nararanasan ng mga tao at ang mga saklaw ng kanilang karanasan, at dahil magkakahalo ang kanilang isipan at mga saloobin, halu-halo ang kanilang karanasan sa iba’t ibang antas. Nauunawaan ng bawat tao ang katotohanan ayon sa kanilang iba’t ibang indibiduwal na kundisyon. Ang pagkaunawa nila sa tunay na kahulugan ng katotohanan ay hindi ganap at iisa o ilang aspeto lamang nito. Ang saklaw ng katotohanang nararanasan ng tao ay nagkakaiba sa bawat tao ayon sa mga kundisyon ng bawat tao. Sa ganitong paraan, ang kaalaman tungkol sa iisang katotohanan, ayon sa ipinahayag ng iba’t ibang tao, ay hindi pare-pareho. Ibig sabihin, ang karanasan ng tao ay laging may mga limitasyon at hindi maaaring lubos na kumatawan sa kalooban ng Banal na Espiritu, ni hindi mahihiwatigan ang gawain ng tao bilang gawain ng Diyos, kahit lubhang nakaayon ang ipinahayag ng tao sa kalooban ng Diyos, at kahit napakalapit ng karanasan ng tao sa pagpeperpektong isinasagawa ng Banal na Espiritu. Maaari lamang maging lingkod ng Diyos ang tao, na ginagawa ang gawaing ipinagkakatiwala sa kanya ng Diyos. Maaari lamang ipahayag ng tao ang kaalamang niliwanagan ng Banal na Espiritu at ang mga katotohanang natamo mula sa kanyang mga personal na karanasan. Ang tao ay hindi karapat-dapat at hindi tumutugon sa mga kundisyon upang maging daluyan ng Banal na Espiritu. Wala siyang karapatang magsabi na ang kanyang gawain ay gawain ng Diyos. Ang tao ay may mga prinsipyo ng tao sa paggawa, at lahat ng tao ay may iba’t ibang karanasan at iba-iba ang mga kundisyon. Kasama sa gawain ng tao ang lahat ng karanasan niya sa ilalim ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga karanasang ito ay maaari lamang kumatawan sa katauhan ng tao at hindi kumakatawan sa katauhan ng Diyos o sa kalooban ng Banal na Espiritu. Samakatuwid, hindi masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay ang landas na tinahak ng Banal na Espiritu, dahil ang gawain ng tao ay hindi maaaring kumatawan sa gawain ng Diyos, at ang gawain ng tao at karanasan ng tao ay hindi ang ganap na kalooban ng Banal na Espiritu. Ang gawain ng tao ay madaling bumagsak sa mga panuntunan, at ang pamamaraan ng kanyang gawain ay madaling malimitahan ang saklaw, at hindi nagagawang akayin ang mga tao sa isang malayang daan. Karamihan sa mga tagasunod ay namumuhay sa loob ng isang limitadong saklaw, at ang paraan ng kanilang pagdanas ay limitado rin sa saklaw nito. Palaging limitado ang karanasan ng tao; ang pamamaraan ng kanyang gawain ay limitado rin sa iilang uri at hindi maikukumpara sa gawain ng Banal na Espiritu o sa gawain ng Diyos Mismo. Ito ay dahil ang karanasan ng tao, sa huli, ay limitado. Paano man gawin ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi ito limitado ng mga panuntunan; paano man ito ginagawa, hindi ito limitado sa iisang pamamaraan. Walang anumang mga panuntunan sa gawain ng Diyos—lahat ng Kanyang gawain ay pinawalan at malaya. Gaano man karaming panahon ang ginugugol ng tao sa pagsunod sa Kanya, hindi niya mahahati sa maliliit na bahagi ang anumang mga batas na namamahala sa mga paraan ng paggawa ng Diyos. Bagama’t may prinsipyo ang Kanyang gawain, lagi itong ginagawa sa mga bagong paraan at laging may mga bagong nangyayari, at hindi ito kayang abutin ng tao. Sa iisang panahon, maaaring may ilang iba’t-ibang uri ng gawain at iba’t ibang paraan ang Diyos sa pamumuno sa mga tao, kaya laging may mga bagong pagpasok at pagbabago ang mga tao. Hindi mo mahihiwatigan ang mga batas ng Kanyang gawain dahil palagi Siyang gumagawa sa mga bagong paraan, at sa gayong paraan lamang hindi nalilimitahan ng mga panuntunan ang mga tagasunod ng Diyos. Ang gawain ng Diyos Mismo ay laging iniiwasan ang mga kuru-kuro ng mga tao at sinasalungat ang mga ito. Yaon lamang mga sumusunod at humahabol sa Kanya nang may tapat na puso ang maaaring mabago ang kanilang mga disposisyon at magagawang mamuhay nang malaya, nang hindi sumasailalim sa anumang mga panuntunan o napipigilan ng anumang mga relihiyosong kuru-kuro. Ang gawain ng tao ay maraming hinihiling sa mga tao batay sa kanyang sariling karanasan at kung ano ang maaari niya mismong makamtan. Ang pamantayan ng ganitong mga kinakailangan ay limitado sa loob ng isang tiyak na saklaw, at napakalimitado rin ng mga pamamaraan ng pagsasagawa. Sa gayon ay hindi namamalayan ng mga tagasunod na namumuhay sila sa limitadong saklaw na ito; sa paglipas ng panahon, nagiging mga panuntunan at ritwal ang mga bagay na ito. Kung ang gawain ng isang panahon ay pinamunuan ng isang taong hindi pa dumaan sa personal na pagpeperpekto ng Diyos at hindi pa nakatanggap ng paghatol, lahat ng kanyang tagasunod ay magiging relihiyoso at eksperto sa paglaban sa Diyos. Samakatuwid, kung may isang karapat-dapat na pinuno, maaaring nagdaan na ang taong iyon sa paghatol at tumanggap na ng pagpeperpekto. Yaong mga hindi pa dumaan sa paghatol, kahit maaaring mayroon silang gawain ng Banal na Espiritu, ay malabo at hindi-totoong mga bagay lamang ang ipinapahayag. Sa paglipas ng panahon, aakayin nila ang mga tao tungo sa malabo at higit-sa-karaniwang mga panuntunan. Ang gawaing ginagampanan ng Diyos ay hindi umaayon sa laman ng tao. Hindi iyon naaayon sa mga saloobin ng tao, kundi sumasalungat sa mga kuru-kuro ng tao; hindi ito nabahiran ng malalabong kulay ng relihiyon. Ang mga resulta ng gawain ng Diyos ay hindi maisasagawa ng isang taong hindi Niya nagawang perpekto; hindi iyon kayang abutin ng pag-iisip ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 179

Ang gawain sa isip ng tao ay napakadaling makamit ng tao. Ang mga pastor at pinuno sa relihiyosong mundo, halimbawa, ay umaasa sa kanilang mga kaloob at katungkulan upang gawin ang kanilang gawain. Ang mga taong sumusunod sa kanila sa loob ng mahabang panahon ay mahahawa sa kanilang mga kaloob at maiimpluwensyahan ng ilan sa kanilang katauhan. Nakatuon sila sa mga kaloob, kakayahan, at kaalaman ng mga tao, at nagbibigay-pansin sa higit-sa-karaniwang mga bagay at sa maraming malalim at di-makatotohanang doktrina (mangyari pa, ang malalalim na doktrinang ito ay hindi matatamo). Hindi sila nagtutuon sa mga pagbabago sa mga disposisyon ng mga tao, kundi sa halip ay sa pagsasanay sa mga tao na mangaral at gumawa, na nakakaragdag sa kaalaman ng mga tao at sa kanilang saganang mga relihiyosong doktrina. Hindi sila nagtutuon sa kung gaano nagbabago ang disposisyon ng mga tao ni kung gaano nauunawaan ng mga tao ang katotohanan. Hindi sila nagmamalasakit sa diwa ng mga tao, at lalo nang hindi nila sinusubukang alamin ang normal at abnormal na mga kalagayan ng mga tao. Hindi nila sinasalungat ang mga kuru-kuro ng mga tao, ni hindi nila ibinubunyag ang kanilang mga kuru-kuro, lalong hindi nila tinatabasan ang mga tao sa kanilang mga kakulangan o mga katiwalian. Karamihan sa mga sumusunod sa kanila ay naglilingkod gamit ang kanilang mga kaloob, at ang tanging inilalabas nila ay mga relihiyosong kuru-kuro at mga teoryang teolohikal, na hindi makatotohanan at ganap na hindi nagbibigay-buhay sa mga tao. Sa katunayan, ang diwa ng kanilang gawain ay pangangalaga sa talento, pangangalaga sa isang tao na walang kahit ano tungo sa pagtatapos sa seminaryo na taglay ang maraming talento na paglaon ay humahayo upang gumawa at mamuno. May nahihiwatigan ka bang anumang mga batas sa anim na libong taon ng gawain ng Diyos? Maraming panuntunan at pagbabawal sa gawaing ginagawa ng tao, at masyadong dogmatiko ang utak ng tao. Sa gayon, ang ipinapahayag ng tao ay kaalaman at pagkatanto na nasa loob ng saklaw ng kanyang mga karanasan. Hindi magawang ipahayag ng tao ang anuman bukod dito. Ang mga karanasan at kaalaman ng tao ay hindi nanggagaling sa kanyang likas na mga kaloob o kanyang likas na ugali; lumalabas ang mga ito dahil sa patnubay at tuwirang pag-akay ng Diyos. Mayroon lamang kakayahan ang tao na tanggapin ang pag-akay na ito at walang kakayahan na maaaring tuwirang ipahayag kung ano ang pagka-Diyos. Hindi kaya ng tao na maging bukal; maaari lamang siyang maging isang sisidlan na tumatanggap ng tubig mula sa bukal. Ito ang likas na ugali ng tao, ang kakayahang dapat taglayin ng isang tao bilang tao. Kung mawala sa isang tao ang kakayahang tumatanggap sa salita ng Diyos at mawala ang likas na ugali ng tao, mawawala rin sa taong iyon ang pinakamahalaga, at mawawala ang tungkulin ng taong nilikha. Kung ang isang tao ay walang kaalaman o karanasan sa salita ng Diyos o sa Kanyang gawain, mawawala sa taong iyon ang kanyang tungkulin, ang tungkuling dapat niyang gampanan bilang isang nilikha, at mawawala ang dangal ng isang nilikha. Likas na ugali ng Diyos na ipahayag kung ano ang pagka-Diyos, ipinapahayag man ito sa katawang-tao o nang tuwiran sa pamamagitan ng Espiritu; ito ang ministeryo ng Diyos. Ipinapahayag ng tao ang kanyang sariling mga karanasan o kaalaman (ibig sabihin, ipinapahayag niya kung ano siya) sa panahon ng gawain ng Diyos o pagkatapos; ito ang likas na ugali at tungkulin ng tao, ito ang dapat isagawa ng tao. Bagama’t ang pagpapahayag ng tao ay malayung-malayo sa ipinapahayag ng Diyos, at bagama’t saklaw ng maraming panuntunan ang pagpapahayag ng tao, kailangang gampanan ng tao ang tungkuling dapat niyang gampanan at gawin ang kailangan niyang gawin. Dapat gawin ng tao ang lahat ng posibleng gawin ng tao upang magampanan ang kanyang tungkulin, at dapat ay wala siya ni katiting na pag-aatubili.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 180

Dapat ninyong malaman kung paano alamin ang pagkakaiba ng gawain ng Diyos sa gawain ng tao. Ano ang makikita mo sa gawain ng tao? Napakaraming elemento ng karanasan ng tao sa kanyang gawain; kung ano ang ipinapahayag ng tao ay kung ano siya. Ang sariling gawain ng Diyos ay nagpapahayag din kung ano Siya, ngunit ang Kanyang katauhan ay naiiba sa tao. Ang katauhan ng tao ay kumakatawan sa karanasan at buhay ng tao (kung ano ang nararanasan o kinakaharap ng tao sa kanyang buhay, o ang kanyang mga pilosopiya sa pamumuhay), at ang mga taong namumuhay sa iba’t ibang sitwasyon ay nagpapahayag ng iba’t ibang pagkatao. May mga karanasan ka man sa lipunan at paano ka man tunay na namumuhay sa iyong pamilya at nakakaranas sa loob niyon ay makikita sa iyong ipinapahayag, samantalang hindi mo makikita sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao kung Siya ay may mga karanasan sa pakikisama. Alam na alam Niya ang pinakadiwa ng tao at maihahayag ang lahat ng klase ng mga pagsasagawa na may kinalaman sa lahat ng klase ng mga tao. Mas mahusay pa nga Siya sa paghahayag ng mga tiwaling disposisyon at masuwaying pag-uugali ng mga tao. Hindi Siya namumuhay sa piling ng mga taong makamundo, ngunit alam Niya ang likas na pagkatao ng mga mortal at lahat ng katiwalian ng mga taong makamundo. Ito ang Kanyang pagiging Diyos. Bagama’t hindi Siya nakikitungo sa mundo, alam Niya ang mga panuntunan ng pakikitungo sa mundo, dahil lubos Niyang nauunawaan ang likas na pagkatao ng tao. Alam Niya ang tungkol sa gawain ng Espiritu na hindi nakikita ng mga mata ng tao at hindi naririnig ng mga tainga ng tao, kapwa ngayon at noong araw. Kasama rito ang karunungan na hindi isang pilosopiya sa pamumuhay at mga himalang mahirap maarok ng mga tao. Ito ang Kanyang pagiging Diyos, bukas sa mga tao at tago rin sa mga tao. Ang Kanyang ipinapahayag ay hindi ang katauhan ng isang di-pangkaraniwang tao, kundi ang likas na mga katangian at pagkakakilanlan ng Espiritu. Hindi Siya naglalakbay sa mundo ngunit alam Niya ang lahat tungkol dito. Nakikipag-ugnayan Siya sa mga “taong-unggoy” na walang kaalaman o kabatiran, ngunit nagpapahayag Siya ng mga salitang mas mataas sa kaalaman at nakahihigit sa mga dakilang tao. Namumuhay Siya sa gitna ng isang grupo ng mga taong mabagal umunawa at manhid na hindi makatao at hindi nauunawaan ang mga kalakaran at buhay ng pagiging tao, ngunit maaari Niyang hingin sa sangkatauhan na isabuhay ang normal na pagkatao, habang ibinubunyag ang hamak at abang pagkatao ng sangkatauhan. Lahat ng ito ay ang Kanyang pagiging Diyos, mas mataas kaysa katauhan ng kahit sinong tao na may laman at dugo. Para sa Kanya, hindi kailangang magdanas ng isang kumplikado, masalimuot, at nakaririmarim na pakikisama sa lipunan upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin at lubusang ibunyag ang pinakadiwa ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakaririmarim na pakikisama sa lipunan ay hindi humuhubog sa Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang gawain at mga salita ay nagbubunyag lamang ng pagsuway ng tao at hindi nagkakaloob sa tao ng karanasan at mga aral sa pakikitungo sa mundo. Hindi Niya kailangang suriin ang lipunan o ang pamilya ng tao kapag tinutustusan Niya ng buhay ang tao. Ang paglalantad at paghatol sa tao ay hindi isang pagpapahayag ng mga karanasan ng Kanyang katawang-tao; ito ay Kanyang paghahayag ng kasamaan ng tao pagkatapos malaman ang pagsuway ng tao sa loob ng mahabang panahon at kapootan ang katiwalian ng sangkatauhan. Ang gawaing Kanyang ginagawa ay lahat para sa paghahayag ng Kanyang disposisyon sa tao at para ipahayag ang Kanyang pagiging Diyos. Siya lamang ang makakagawa ng gawaing ito; hindi ito isang bagay na maaaring isagawa ng isang taong may laman at dugo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 181

Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay hindi kumakatawan sa karanasan ng Kanyang katawang-tao; ang gawaing ginagawa ng tao ay kumakatawan sa kanyang karanasan. Pinag-uusapan ng lahat ang kanilang personal na karanasan. Maipapahayag ng Diyos nang tuwiran ang katotohanan, samantalang maipapahayag lamang ng tao ang karanasang tumutugma sa kanyang pagdanas sa katotohanan. Ang gawain ng Diyos ay walang mga panuntunan at hindi sakop ng panahon o mga limitasyon ng heograpiya. Maipapahayag Niya kung ano Siya kahit kailan, kahit saan. Gumagawa Siya ayon sa gusto Niya. Ang gawain ng tao ay may mga kundisyon at konteksto; kung wala ang mga ito, hindi siya makakagawa at hindi niya maipapahayag ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos o ang kanyang karanasan sa katotohanan. Para masabi kung ang isang bagay ay sariling gawain ng Diyos o gawain ng tao, kailangan mo lamang ikumpara ang mga pagkakaiba sa pagitan ng dalawa. Kung walang gawaing ginawa ang Diyos Mismo at mayroon lamang gawain ng tao, malalaman mo lamang na ang mga turo ng tao ay mataas, higit sa kakayahan ng iba pa; ang tono ng kanilang pagsasalita, kanilang mga prinsipyo sa pamamahala sa mga bagay-bagay, at kanilang bihasa at matatag na paraan sa paggawa ay hindi kayang abutin ng iba. Hinahangaan ninyong lahat ang mga taong ito na malaki ang kakayahan at mataas ang kaalaman, ngunit hindi ninyo nakikita mula sa gawain at mga salita ng Diyos kung gaano kataas ang Kanyang pagkatao. Sa halip, Siya ay pangkaraniwan, at kapag gumagawa, Siya ay normal at tunay subalit hindi rin masukat ng mga mortal, kaya nga nakadarama ang mga tao ng pagpipitagan para sa Kanya. Marahil ay partikular na maunlad ang karanasan ng isang tao sa kanyang gawain, o partikular na maunlad ang kanyang imahinasyon at pangangatwiran, at ang kanyang pagkatao ay partikular na mabuti; ang gayong mga katangian ay maaari lamang magkamit ng paghanga ng mga tao, ngunit hindi mapupukaw ang kanilang pangingimi at takot. Hinahangaan ng lahat ng tao yaong mga kayang gumawa nang mahusay, na may partikular na malalim na karanasan, at maaaring magsagawa ng katotohanan, ngunit hindi kaya ng gayong mga tao kailanman na pumukaw ng pangingimi, kundi paghanga lamang at inggit. Ngunit ang mga taong nakaranas na ng gawain ng Diyos ay hindi humahanga sa Diyos; sa halip, pakiramdam nila ay hindi maaabot at maaarok ng tao ang Kanyang gawain, at ito ay bago at kamangha-mangha. Kapag nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, ang una nilang kaalaman tungkol sa Kanya ay na Siya ay di-maarok, matalino, at kamangha-mangha, at hindi nila namamalayan na nagpipitagan sila sa Kanya at nadarama nila ang hiwaga ng gawaing Kanyang ginagawa, na hindi maunawaan ng isip ng tao. Nais lamang ng mga tao na matugunan ang Kanyang mga kinakailangan, mabigyang-kasiyahan ang Kanyang mga hangarin; ayaw nilang malampasan Siya, dahil ang gawaing Kanyang ginagawa ay hindi abot ng isip at imahinasyon ng tao at hindi magagawa ng tao para sa Kanya. Kahit ang tao mismo ay hindi alam ang sarili niyang mga kakulangan, subalit nagbukas na ang Diyos ng isang bagong landas at naparito upang dalhin ang tao sa mas bago at mas magandang mundo, at sa gayon ay nakagawa ang sangkatauhan ng panibagong pagsulong at nagkaroon na ng bagong simula. Ang nadarama ng tao para sa Diyos ay hindi paghanga, o ang ibig Kong sabihin, hindi lamang paghanga. Ang kanilang pinakamalalim na karanasan ay pangingimi at pagmamahal; ang pakiramdam nila ay na ang Diyos ay talagang kamangha-mangha. Gumagawa Siya ng gawaing hindi kayang gawin ng tao at nagsasabi ng mga bagay na hindi kayang sabihin ng tao. Ang mga taong nakaranas na ng gawain ng Diyos ay laging mayroong di-maipaliwanag na damdamin. Ang mga taong may sapat na lalim ng karanasan ay nauunawaan ang pagmamahal ng Diyos; nadarama nila ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, na ang Kanyang gawain ay napakatalino, lubhang kamangha-mangha, at sa gayon ay nabubuo sa kanila ang walang-hanggang kapangyarihan. Hindi iyon takot o paminsan-minsang pagmamahal at paggalang, kundi isang malalim na pakiramdam ng habag at pagpaparaya ng Diyos sa tao. Gayunman, ang mga taong nakaranas na ng Kanyang pagkastigo at paghatol ay nararamdaman ang Kanyang pagiging maharlika at na wala Siyang pinalalagpas na pagkakasala. Kahit ang mga taong nakaranas na ng marami sa Kanyang gawain ay hindi Siya maarok; alam ng lahat ng tunay na nagpipitagan sa Kanya na ang Kanyang gawain ay hindi nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao kundi palaging sumasalungat sa kanilang mga kuru-kuro. Hindi Niya kailangang hangaan Siya nang lubusan ng mga tao o magpakita ng pagpapasakop sa Kanya; sa halip, dapat silang magkaroon ng tunay na pagpipitagan at tunay na pagpapasakop. Sa karamihan ng Kanyang gawain, sinumang may tunay na karanasan ay nakadarama ng pagpipitagan sa Kanya, na mas mataas kaysa paghanga. Nakita na ng mga tao ang Kanyang disposisyon dahil sa Kanyang gawain ng pagkastigo at paghatol, at sa gayon ay buong-puso silang nagpipitagan sa Kanya. Ang Diyos ay nararapat pagpitaganan at sundin, dahil ang Kanyang katauhan at Kanyang disposisyon ay hindi kapareho ng sa isang nilalang at mas mataas sa mga nilalang. Ang Diyos ay umiiral nang mag-isa at walang katapusan, at hindi Siya isang nilalang, at ang Diyos lamang ang karapat-dapat na pagpitaganan at sundin; hindi karapat-dapat ang tao para dito. Kaya, lahat ng nakaranas na ng Kanyang gawain at tunay na nakakilala sa Kanya ay nakakaramdam ng pagpipitagan sa Kanya. Gayunman, yaong mga ayaw bumitaw sa kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya—yaong mga talagang hindi Siya itinuturing na Diyos—ay walang pagpipitagan sa Kanya, at bagama’t sumusunod sila sa Kanya, hindi sila nalupig; sila ay likas na masuwaying mga tao. Ang nais Niyang makamtan sa pamamagitan ng paggawa ng gayon ay para lahat ng nilalang ay magkaroon ng pusong nagpipitagan sa Lumikha, sumasamba sa Kanya, at nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan nang walang pasubali. Ito ang huling resultang nais makamit ng lahat ng Kanyang gawain. Kung lahat ng taong nakaranas na ng gayong gawain ay hindi nagpipitagan sa Diyos, kahit kaunti, at kung ang kanilang dating pagsuway ay hindi man lamang nagbabago, siguradong aalisin sila. Kung ang saloobin ng isang tao sa Diyos ay para lamang hangaan Siya o magpakita ng paggalang sa Kanya mula sa malayo, at hindi para mahalin Siya kahit katiting, ito ang resultang naabot ng isang taong walang pusong nagmamahal sa Diyos, at wala sa taong iyon ang mga kalagayan para magawang perpekto. Kung hindi natamo ng napakaraming gawain ang tunay na pagmamahal ng isang tao, hindi pa nakamit ng taong iyon ang Diyos at hindi niya tunay na hinahanap ang katotohanan. Ang isang taong hindi mahal ang Diyos ay hindi mahal ang katotohanan at sa gayon ay hindi makakamit ang Diyos, lalong hindi niya matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang gayong mga tao, paano man nila nararanasan ang gawain ng Banal na Espiritu, at paano man nila nararanasan ang paghatol, ay hindi magawang magpitagan sa Diyos. Ito ay mga taong hindi mababago ang likas na pagkatao at napakasama ng mga disposisyon. Lahat ng hindi nagpipitagan sa Diyos ay aalisin, upang maging mga pakay ng kaparusahan, at maparusahan tulad ng mga gumagawa ng kasamaan, upang magdusa nang higit pa kaysa sa mga nakagawa ng masasamang bagay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 182

Anuman ang mangyari, ang gawain ng Diyos ay iba sa gawain ng tao at, higit pa rito, paano magiging katulad ang Kanyang mga pagpapahayag doon sa kanila? May Kanyang sariling partikular na disposisyon ang Diyos, samantalang ang tao ay may mga tungkuling dapat nilang gampanan. Ipinapahayag ang disposisyon ng Diyos sa Kanyang gawain, samantalang ang tungkulin ng tao ay isinasakatawan sa mga karanasan ng tao at ipinapahayag sa mga paghahabol ng tao. Kung gayon nakikita ito sa pamamagitan ng mga gawaing ginagawa kung ang isang bagay ay pagpapahayag ng Diyos o pagpapahayag ng tao. Hindi kinakailangang maipaliwanag ito ng Diyos Mismo, ni hinihingi nito na magsikap ang tao na magpatotoo; higit pa rito, hindi nito kinakailangan ang Diyos Mismo para supilin ang sinumang tao. Dumarating ang lahat ng ito bilang isang natural na paghahayag; hindi ito pinipilit ni isang bagay na napapakialaman ng tao. Nalalaman ang tungkulin ng tao sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan, at hindi ito nangangailangan na gumawa ang mga tao ng anumang ekstrang gawaing pang-karanasan. Naihahayag ang buong esensya ng tao habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, samantalang naipapahayag ng Diyos ang Kanyang likas na disposisyon habang ginagampanan ang Kanyang gawain. Kung ito ay gawain ng tao, hindi ito matatakpan. Kung ito ay gawain ng Diyos, mas imposibleng matakpan ng sinuman ang disposisyon ng Diyos, at lalo pang hindi makokontrol ng tao. Walang tao na maituturing na Diyos, ni maituturing ang kanilang gawain at mga salita bilang banal o maituturing na hindi nababago. Maaaring masabi na tao ang Diyos dahil binihisan Niya ang Sarili Niya ng laman, nguni’t hindi maituturing ang gawain Niya bilang gawain ng tao o tungkulin ng tao. Higit pa rito, ang mga pagbigkas ng Diyos at mga sulat ni Pablo ay hindi napagpapantay, ni napapatungkulan ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at ang mga salita ng tagubilin ng tao sa magkakaparehong kataga. Kung gayon, may mga panuntunan na nagsasabi ng kaibahan ng gawain ng Diyos sa gawain ng tao. Makikita ang mga pagkakaiba nito ayon sa diwa ng mga ito, hindi sa saklaw ng gawain o pansamantalang bisa nito. Sa paksang ito, nagkakamali ang karamihan sa mga tao tungkol sa panuntunan. Ito ay sa kadahilanang tumitingin ang tao sa panlabas, na nakakamit nila, samantalang tumitingin ang Diyos sa diwa, na hindi namamasdan ng pisikal na mga mata ng sangkatauhan. Kung itinuturing mo ang mga salita at gawain ng Diyos bilang mga tungkulin ng karaniwang tao, at tinitingnan ang malaking gawain ng tao bilang gawain ng Diyos na nakabihis ng katawang-tao sa halip na tungkuling tinutupad ng tao, hindi ka kaya nagkakamali sa panuntunan? Ang mga sulat at mga talambuhay ng tao ay madaling naisusulat, nguni’t tanging sa saligan lamang ng gawain ng Banal na Espiritu. Gayunpaman, ang mga pagbigkas at gawain ng Diyos ay hindi madaling natutupad ng tao o nakakamit ng karunungan at pag-iisip ng tao, ni naipapaliwanag ang mga ito nang lubos ng mga tao matapos itong siyasatin. Kung ang mga bagay na ito ng panuntunan ay hindi nagbubunsod ng anumang pagtugon sa inyo, kung gayon ang inyong pananampalataya ay kitang hindi tapat o pino. Masasabi lamang na ang inyong pananampalataya ay puno ng kalabuan, at magulo rin at walang panuntunan. Nang hindi man lang nauunawaan ang pinakapangunahin at mahalagang usapin tungkol sa Diyos at tao, ang ganitong uri ba ng pananampalataya ay hindi yaong lubos na walang kabatiran?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Paniniwala Mo sa Labintatlong Sulat ni Pablo?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 183

Nasa lupa si Jesus sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon, pumarito Siya para gawin ang gawaing magpapako sa krus, at sa pamamagitan ng pagkapako sa krus ay nakamit ng Diyos ang isang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian. Nang pumarito ang Diyos sa katawang-tao, nagawa Niyang magpakumbaba at maging tago, at magtiis ng matinding pagdurusa. Bagama’t Siya ang Diyos Mismo, tiniis pa rin Niya ang bawat kahihiyan at bawat panlalait, at tiniis Niya ang matinding sakit ng maipako sa krus para tapusin ang gawain ng pagtubos. Nang matapos ang yugtong ito ng gawain, bagama’t nakita ng mga tao na nagkamit na ng dakilang kaluwalhatian ang Diyos, hindi ito ang kabuuan ng Kanyang kaluwalhatian; isang bahagi lamang ito ng Kanyang kaluwalhatian, na nakamit na Niya mula kay Jesus. Bagama’t nagawang tiisin ni Jesus ang bawat hirap, magpakumbaba at maging tago, maipako sa krus para sa Diyos, natamo lamang ng Diyos ang isang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian, at natamo ang Kanyang kaluwalhatian sa Israel. May isa pa ring bahagi ng kaluwalhatian ang Diyos: ang maparito sa lupa para praktikal na gumawa at gawing perpekto ang isang grupo ng mga tao. Sa yugto ng gawain ni Jesus, gumawa Siya ng ilang kahima-himalang mga bagay, ngunit ang yugtong iyon ng gawain ay hindi lamang upang magsagawa ng mga tanda at kababalaghan. Ito una sa lahat ay para ipakita na kaya ni Jesus na magdusa, at maipako sa krus para sa Diyos, na nakayanang magdusa ni Jesus ng matinding sakit dahil minahal Niya ang Diyos at na, bagama’t pinabayaan Siya ng Diyos, handa pa ring Siyang ialay ang Kanyang buhay para sa kalooban ng Diyos. Nang mabuo na ng Diyos ang Kanyang gawain sa Israel at ipako si Jesus sa krus, nagtamo ng kaluwalhatian ang Diyos, at nagpatotoo na Siya sa harap ni Satanas. Hindi ninyo alam ni nakita kung paano nagkatawang-tao ang Diyos sa China, kaya paano ninyo makikita na nagtamo ang Diyos ng kaluwalhatian? Kapag gumagawa ang Diyos ng maraming gawain ng paglupig sa inyo, at kayo ay naninindigan, tagumpay ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, at bahagi ito ng kaluwalhatian ng Diyos. Ito lamang ang nakikita ninyo, at hindi pa kayo nagagawang perpekto ng Diyos, hindi pa ninyo naibibigay nang lubusan ang inyong puso sa Diyos. Hindi pa ninyo nakikita nang lubusan ang kaluwalhatiang ito; nakikita ninyo lamang na nalupig na ng Diyos ang inyong puso, na hindi ninyo Siya kailanman maiiwan, at susundan ninyo ang Diyos hanggang sa pinakahuli at hindi magbabago ang inyong puso, at na ito ang kaluwalhatian ng Diyos. Saan ninyo nakikita ang kaluwalhatian ng Diyos? Sa mga epekto ng Kanyang gawain sa mga tao. Nakikita ng mga tao na lubhang kaibig-ibig ang Diyos, nasa puso nila ang Diyos, at ayaw nilang iwan Siya, at ito ang kaluwalhatian ng Diyos. Kapag nagkaroon ng lakas ang mga kapatid ng mga iglesia, at kaya nilang mahalin ang Diyos nang taos-puso, makita ang sukdulang kapangyarihan ng gawaing ginawa ng Diyos, ang walang-kapantay na kapangyarihan ng Kanyang mga salita, kapag nakita nila na may awtoridad ang Kanyang mga salita at na kaya Niyang simulan ang Kanyang gawain sa bayan ng mainland China na walang katau-tao, kapag, bagama’t mahina ang mga tao, nagpapakumbaba ang kanilang puso sa harap ng Diyos at handa silang tanggapin ang mga salita ng Diyos, at kapag, bagama’t sila ay mahina at hindi karapat-dapat, nagagawa nilang makita na lubhang kaibig-ibig ang mga salita ng Diyos, at lubhang karapat-dapat sa kanilang pagpapahalaga, ito ang kaluwalhatian ng Diyos. Kapag dumating ang araw na gagawing perpekto ng Diyos ang mga tao, at nagagawa nilang sumuko sa Kanyang harapan, at ganap na sumunod sa Diyos, at iwanan ang kanilang mga inaasam at kapalaran sa mga kamay ng Diyos, lubos nang natamo ang ikalawang bahagi ng kaluwalhatian ng Diyos. Ibig sabihin, kapag lubos na nabuo ang gawain ng praktikal na Diyos, magwawakas na ang Kanyang gawain sa mainland China. Sa madaling salita, kapag nagawa nang perpekto ang mga itinalaga at hinirang ng Diyos, nagtamo na ng kaluwalhatian ang Diyos. Sinabi ng Diyos na dinala na Niya ang ikalawang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian sa Silangan, subalit hindi ito nakikita ng mata. Dinala na ng Diyos ang Kanyang gawain sa Silangan: dumating na Siya sa Silangan, at ito ang kaluwalhatian ng Diyos. Ngayon, bagama’t kailangan pang tapusin ang Kanyang gawain, dahil nagpasya nang gumawa ang Diyos, tiyak na maisasagawa ito. Nagpasya na ang Diyos na tatapusin Niya ang gawaing ito sa China, at nagpasya na Siya na gawin kayong ganap. Dahil diyan, hindi ka Niya binibigyan ng malalabasan—nalupig na Niya ang inyong puso, at kailangang magpatuloy ka gustuhin mo man o hindi, at kapag naangkin kayo ng Diyos, nagtatamo ang Diyos ng kaluwalhatian. Ngayon, hindi pa ganap na natatamo ng Diyos ang kaluwalhatian, dahil hindi pa kayo nagagawang perpekto. Bagama’t nagbalik-loob na ang inyong puso sa Diyos, marami pa ring kahinaan sa inyong laman, wala kayong kakayahang palugurin ang Diyos, hindi ninyo nagagawang isaisip ang kalooban ng Diyos, at marami pa rin kayong taglay na negatibong mga bagay na dapat ninyong alisin sa inyong sarili at kailangan pa rin kayong sumailalim sa maraming pagsubok at pagpipino. Sa gayong paraan lamang maaaring magbago ang mga disposisyon mo sa buhay at maaari kang maangkin ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Maikling Pagtalakay Tungkol sa “Dumating Na ang Milenyong Kaharian”

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 184

Sa panahong iyon, ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng naniwala sa Kanya ay pinatawad; basta’t ikaw ay naniniwala sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay naniniwala sa Kanya, wala ka na sa pagkakasala, ikaw ay pinawalang-sala na sa iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng maligtas, at mapawalang-sala ng pananampalataya. Ngunit sa mga naniwala, mayroon pa ring nanatiling mga mapanghimagsik at sumalungat sa Diyos, at kailangan pa ring dahan-dahang alisin. Ang kaligtasan ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusan nang nakamit ni Jesus, kundi na ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan. Basta’t ikaw ay naniniwala, hindi ka na kailanman nasa kasalanan pa. Sa panahong iyon, si Jesus ay gumawa ng maraming gawain na hindi maintindihan ng Kanyang mga disipulo, at nagsabi ng marami na hindi naunawaan ng mga tao. Ito ay dahil, sa panahong iyon, hindi Siya nagbigay ng anumang paliwanag. Kaya, maraming taon pagkatapos Niyang umalis, nilikha ni Mateo ang talaangkanan ni Jesus, at gumawa rin ang iba ng maraming gawain na naaayon sa kalooban ng tao. Hindi pumarito si Jesus upang gawing perpekto at kamitin ang tao, kundi upang magsagawa ng isang yugto ng gawain: ang dalhin ang ebanghelyo ng kaharian ng langit at tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus. At kaya, nang naipako na sa krus si Jesus, ang Kanyang gawain ay lubos nang natapos. Ngunit sa kasalukuyang yugto—ang gawain ng paglupig—mas maraming salita ang dapat ipahayag, mas maraming gawain ang dapat isagawa, at kailangang magkaroon ng maraming proseso. Kaya dapat ding mabunyag ang mga hiwaga ng gawain nina Jesus at Jehova, nang sa gayon ay maaaring magkaroon ang lahat ng tao ng pang-unawa at kalinawan sa kanilang paniniwala, dahil ito ang gawain sa mga huling araw, at ang mga huling araw ang katapusan ng gawain ng Diyos, ang panahon ng pagtatapos ng gawain. Liliwanagin para sa iyo ng yugtong ito ng gawain ang kautusan ni Jehova at ang pagtubos ni Jesus, at pangunahin na ito’y upang maunawaan mo ang buong gawain ng anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, at mapahalagahan ang lahat ng kabuluhan at diwa ng anim na libong taong plano ng pamamahala na ito, at maunawaan ang layunin ng lahat ng gawaing isinagawa ni Jesus at ang mga salitang Kanyang sinabi, at maging ang iyong bulag na paniniwala at pagsamba sa Bibliya. Tutulutan ka nito na lubos na maunawaan ang lahat ng ito. Magagawa mong maunawaan kapwa ang gawain na ginawa ni Jesus, at ang gawain ng Diyos ngayon; mauunawaan mo at iyong mapagmamasdan ang lahat ng katotohanan, ang buhay, at ang daan. Sa yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus, bakit umalis si Jesus nang hindi ginagawa ang pagtatapos na gawain? Dahil ang yugto ng gawain ni Jesus ay hindi ang gawain ng pagtatapos. Nang Siya ay ipinako sa krus, ang Kanyang mga salita ay natapos din; matapos ang pagpapapako Niya sa krus, ang Kanyang gawain ay ganap nang nagwakas. Ang kasalukuyang yugto ay iba: Tanging pagkatapos sabihin ang mga salita hanggang sa katapusan at magwakas ang buong gawain ng Diyos ay saka lang matatapos ang Kanyang gawain. Sa yugto ng gawain ni Jesus, maraming salita ang nanatiling hindi naipahayag, o hindi naipahayag nang buong linaw. Ngunit walang pakialam si Jesus sa Kanyang mga sinabi at hindi sinabi, dahil ang Kanyang ministeryo ay hindi ang ministeryo ng mga salita, kaya matapos Siyang ipako sa krus, Siya ay lumisan. Ang yugtong iyon ng gawain ay pangunahing para sa pagpapapako sa krus, at hindi katulad ng kasalukuyang yugto. Ang kasalukuyang yugtong ito ng gawain ay pangunahing para sa pagtatapos, paglilinaw, at paghahatid ng lahat ng gawain sa isang konklusyon. Kung hindi binibigkas ang mga salita hanggang sa kahuli-hulihan, magiging imposibleng matapos ang gawaing ito, dahil sa yugtong ito ng gawain, ang lahat ng gawain ay tinatapos at ginagawa sa pamamagitan ng mga salita. Noong panahong iyon, nagsagawa si Jesus ng maraming gawain na hindi maunawaan ng tao. Siya ay tahimik na lumisan, at ngayon marami pa rin na hindi nakauunawa sa Kanyang mga salita, na mali ang pagkaunawa ngunit naniniwala pa rin na ito ay tama, at hindi alam na mali sila. Ang huling yugto ang magdadala ng gawain ng Diyos sa isang ganap na wakas at magbibigay ng konklusyon nito. Magagawang maunawaan at malaman ng lahat ang plano ng pamamahala ng Diyos. Ang mga kuru-kuro sa loob ng tao, ang kanyang mga layunin, ang kanyang mali at katawa-tawang pagkaunawa, ang kanyang mga kuru-kuro sa gawain nina Jehova at Jesus, ang kanyang mga pananaw tungkol sa mga Hentil, at ang kanyang iba pang mga paglihis at mga kamalian ay itatama. At mauunawaan ng tao ang lahat ng tamang landas ng buhay, at ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at ang buong katotohanan. Kapag nangyari iyon, ang yugtong ito ng gawain ay matatapos na. Ang gawain ni Jehova ay ang paglikha sa mundo, iyon ang simula; ang yugto na ito ng gawain ang katapusan ng gawain, at ito ang konklusyon. Sa simula, isinagawa ang gawain ng Diyos sa mga taong hinirang sa Israel, at ito ang simula ng isang bagong panahon sa pinakabanal sa lahat ng lugar. Ang huling yugto ng gawain ay isinasagawa sa pinakamarumi sa lahat ng bansa, upang hatulan ang mundo at wakasan ang kapanahunan. Sa unang yugto, ang gawain ng Diyos ay isinagawa sa pinakamaliwanag na lugar sa lahat, at ang huling yugto ay isinasagawa sa pinakamadilim na lugar sa lahat, at ang kadilimang ito ay itataboy, ang liwanag ay papapasukin, at ang lahat ng tao ay malulupig. Kapag ang mga tao sa pinakamarumi at pinakamadilim sa lahat ng lugar na ito ay nalupig na, at ang buong populasyon ay kinilala nang mayroong Diyos, na Siyang tunay na Diyos, at ang bawat tao ay lubusan nang nakumbinsi, ang katotohanang ito ay gagamitin upang isagawa ang gawain ng paglupig sa buong sansinukob. Ang yugtong ito ng gawain ay mayroong isinasagisag: Kapag natapos na ang gawain sa kapanahunang ito, ang gawain ng anim na libong taon ng pamamahala ay ganap nang magwawakas. Sa oras na ang mga nasa pinakamadilim sa lahat ng lugar ay nalupig na, tiyak na ganoon din ang mangyayari sa iba pang lugar. Kung gayon, tanging ang gawain ng panlulupig sa China ang nagtataglay ng makabuluhang pagsasagisag. Kinakatawan ng China ang lahat ng puwersa ng kadiliman, at ang mga tao sa China ay kumakatawan sa lahat ng sa laman, kay Satanas, at sa laman at dugo. Ang mga Tsino ang pinakaginawang tiwali ng malaking pulang dragon, ang may pinakamasidhing pagsalungat sa Diyos, na ang pagkatao ay pinakamasama at marumi, at kaya sila ang tipikal na halimbawa ng lahat ng tiwaling pagkatao. Hindi ito nangangahulugan na ang ibang mga bansa ay walang mga suliranin ni anuman; ang mga kuru-kuro ng tao ay magkakaparehong lahat, at bagama’t ang mga tao sa mga bansang ito ay maaaring mayroong mahusay na kakayahan, kung hindi nila nakikilala ang Diyos, tiyak na kinakalaban nila Siya. Bakit sinalungat at kinalaban din ng mga Hudyo ang Diyos? Bakit kinalaban din Siya ng mga Pariseo? Bakit pinagtaksilan ni Judas si Jesus? Sa panahong iyon, marami sa mga disipulo ang hindi nakakilala kay Jesus. Bakit, pagkatapos ipako sa krus si Jesus at muling nabuhay, ay hindi pa rin naniwala sa Kanya ang mga tao? Hindi ba pare-pareho lamang ang pagsuway ng tao? Ang mga tao ng China ay ginawa lamang halimbawa, at kapag sila ay nalupig, sila ay magiging mga modelo at huwaran, at magsisilbing sanggunian para sa iba. Bakit Ko palaging sinasabi na kayo ay mga karagdagan sa Aking plano ng pamamahala? Sa mga tao sa China naipapamalas nang pinakabuong-buo at nabubunyag ang katiwalian, karumihan, pagiging hindi matuwid, pagtutol, at pagiging suwail sa lahat ng iba’t ibang mga anyo nito. Sa isang banda, sila ay may mahinang kakayahan, at sa kabilang banda, ang kanilang mga buhay at pag-iisip ay paurong, at ang kanilang mga gawi, kapaligirang panlipunan, pamilya ng kapanganakan—ang lahat ay salat at pinakapaurong. Ang kanilang katayuan ay mababa rin. Ang gawain sa lugar na ito ay may isinasagisag, at matapos maisagawa ang kabuuan ng gawain ng pagsusuri na ito, ang susunod na gawain ng Diyos ay magiging higit na madali. Kung matatapos ang hakbang na ito ng gawain, ang susunod na gawain ay matitiyak. Sa oras na magawa na ang hakbang na ito ng gawain, lubos nang nakamit ang malaking tagumpay, at ang gawain ng paglupig sa buong sansinukob ay ganap nang nagwakas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 2

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 185

Ang paggawa ngayon sa mga inapo ni Moab ay pagliligtas sa mga nahulog sa pinakamatinding kadiliman. Bagama’t sila ay isinumpa, ang Diyos ay handang magkamit ng kaluwalhatian mula sa kanila, sapagkat lahat sila noong una ay mga taong wala ang Diyos sa kanilang puso; ang mahikayat lamang yaong mga wala ang Diyos sa kanilang puso na sundin at mahalin Siya ang tunay na paglupig, at ang bunga ng gayong gawain ang lubhang mahalaga at lubhang kapani-paniwala. Ito lamang ang pagkakamit ng kaluwalhatian—ito ang kaluwalhatiang nais makamit ng Diyos sa mga huling araw. Bagama’t mababa ang posisyon ng mga taong ito, tunay na itinaas sila ng Diyos dahil nagagawa na nila ngayong makamit ang gayon kadakilang pagliligtas. Ang gawaing ito ay napakamakahulugan, at sa pamamagitan ng paghatol Niya nakakamit ang mga taong ito. Hindi Niya layon na parusahan ang mga taong ito, kundi iligtas sila. Kung, sa mga huling araw, isinasagawa pa rin Niya ang gawain ng paglupig sa Israel, mawawalan ito ng kabuluhan; magkaroon man ito ng bunga, mawawalan ito ng halaga o anumang malaking kabuluhan, at hindi Siya magkakamit ng buong kaluwalhatian. Gumagawa Siya sa inyo, yaong mga nahulog sa pinakamadilim sa lahat ng lugar, yaong mga pinakaatrasado. Hindi kinikilala ng mga taong ito na may Diyos at hindi nalaman kailanman na may Diyos. Ang mga nilalang na ito ay lubhang nagawang tiwali ni Satanas kaya nalimutan na nila ang Diyos. Nabulag na sila ni Satanas at ni hindi man lang nila alam na may Diyos sa langit. Sa inyong puso, lahat kayo ay sumasamba sa mga diyos-diyosan at sumasamba kay Satanas—hindi ba kayo ang pinakahamak, ang pinakaatrasadong mga tao? Kayo ang pinakahamak sa lahat ng laman, walang anumang personal na kalayaan, at dumaranas din kayo ng mga paghihirap. Kayo rin ang mga tao sa pinakamababang antas ng lipunang ito, na wala kahit ng kalayaang manampalataya. Narito ang kabuluhan ng paggawa sa inyo. Ang paggawa sa inyo ngayon, mga inapo ni Moab, ay hindi para hiyain kayo, kundi para ihayag ang kabuluhan ng gawain. Para sa inyo, ito ay isang dakilang pagtataas. Kung ang isang tao ay may katwiran at kabatiran, sasabihin niya: “Ako ay isang inapo ni Moab, na tunay na hindi karapat-dapat na tumanggap ngayon ng ganito kadakilang pagtataas ng Diyos, o ng gayon kadakilang mga pagpapala. Sa lahat ng aking ginagawa at sinasabi, at ayon sa aking katayuan at kahalagahan, ni hindi man lang ako karapat-dapat sa gayon kadakilang mga pagpapala mula sa Diyos. Ang mga Israelita ay may dakilang pagmamahal sa Diyos, at ang biyaya na kanilang tinatamasa ay ipinagkakaloob Niya sa kanila, ngunit ang kanilang katayuan ay mas mataas kaysa sa atin. Si Abraham ay lubhang matapat kay Jehova, at si Pedro ay lubhang matapat kay Jesus—ang kanilang katapatan ay isandaang ulit na nakahihigit kaysa sa atin. Batay sa ating mga kilos, talagang hindi tayo karapat-dapat na magtamasa ng biyaya ng Diyos.” Ang pagseserbisyo ng mga taong ito sa Tsina ay hindi talaga maaaring iharap sa Diyos. Napakagulo nito; ang labis na pagtatamasa ninyo ngayon ng biyaya ng Diyos ay pagtataas lamang ng Diyos! Kailan ba ninyo hinangad ang gawain ng Diyos? Kailan ba ninyo naisakripisyo ang inyong buhay para sa Diyos? Kailan ba ninyo natalikuran kaagad ang inyong pamilya, inyong mga magulang, at inyong mga anak? Walang sinuman sa inyo ang nakapagsakripisyo ng gayon kalaki! Kung hindi ka nailabas ng Banal na Espiritu, ilan kaya sa inyo ang nakapagsakripisyo ng lahat? Sumunod lamang kayo hanggang ngayon dahil napuwersa at napilitan kayo. Nasaan ang inyong katapatan? Nasaan ang inyong pagsunod? Batay sa inyong mga kilos, dapat ay matagal na kayong napuksa—lahat kayo ay dapat na naalis. Ano ang nagawa ninyo para magtamasa ng gayon kadakilang mga pagpapala? Ni hindi kayo karapat-dapat! Sino sa inyo ang gumawa na ng sarili nilang landas? Sino sa inyo ang nakakita mismo sa tunay na daan? Lahat kayo ay tamad, matakaw, at salbahe na puro ginhawa ang hanap! Palagay ba ninyo ay napakagaling ninyo? Ano ang ipinagmamayabang ninyo? Kahit balewalain pa na kayo ay mga inapo ni Moab, napakataas ba ng inyong kalikasan o lugar ng kapanganakan? Kahit balewalain pa na kayo ay kanyang mga inapo, hindi ba mga inapo kayong lahat ni Moab, nang buong-buo? Mababago ba ang katotohanan ng mga bagay-bagay? Salungat ba sa katotohanan ng mga bagay-bagay ang paglalantad ng inyong kalikasan ngayon? Tingnan ninyo ang inyong pagkabusabos, ang inyong buhay, at ang inyong pag-uugali—hindi ba ninyo alam na kayo ang pinakahamak sa lahat ng hamak sa sangkatauhan? Ano ang ipinagmamayabang ninyo? Tingnan ninyo ang inyong katayuan sa lipunan. Hindi ba nasa pinakamababang antas kayo? Palagay ba ninyo mali ang sinasabi Ko? Inialay ni Abraham si Isaac—ano na ang naialay ninyo? Inialay ni Job ang lahat-lahat—ano na ang naialay ninyo? Napakarami nang taong nag-alay ng kanilang buhay, nagyuko ng kanilang ulo, nagpadanak ng kanilang dugo upang hanapin ang tunay na daan. Nagawa na ba ninyo ang sakripisyong iyan? Kung ikukumpara, ni hindi man lang kayo nararapat na magtamasa ng gayon kalaking biyaya. Nasasaktan ba kayo kapag sinasabihan kayo ngayon na kayo ay mga inapo ni Moab? Huwag ninyong gaanong taasan ang tingin ninyo sa inyong sarili. Wala kang dapat ipagmayabang. Ang gayon kadakilang kaligtasan, ang gayon kadakilang biyaya ay buong layang ibinibigay sa inyo. Wala kayong naisakripisyo, subalit buong laya kayong nagtatamasa ng biyaya. Hindi ba kayo nahihiya? Ang tunay na daan bang ito ay isang bagay na hinanap at natagpuan ninyo mismo? Hindi ba ang Banal na Espiritu ang pumilit sa inyo na tanggapin ito? Hindi kayo nagkaroon kailanman ng pusong naghahanap, lalong wala kayong pusong naghahanap at nasasabik sa katotohanan. Nakaupo lang kayo at nasisiyahan dito; nakamit ninyo ang katotohanang ito nang wala ni katiting na pagsisikap. Ano ang karapatan ninyong magreklamo? Palagay mo ba napakahalaga mo? Kumpara sa mga nagsakripisyo ng kanilang buhay at nagpadanak ng kanilang dugo, ano ang inirereklamo ninyo? Tama at natural lamang na puksain kayo ngayon! Wala kayong ibang pagpipilian kundi tumalima at sumunod. Talagang hindi kayo karapat-dapat! Karamihan sa inyo ay tinawag, ngunit kung hindi kayo napilitan sa inyong sitwasyon o hindi kayo natawag, lubos ninyong aayawan ang lumabas. Sino ang handang gumawa ng gayong pagtalikod? Sino ang handang iwan ang mga kasiyahan ng laman? Kayong lahat ay mga taong buong-kasakimang nagpapasasa sa kaginhawahan at naghahangad ng marangyang buhay! Nagkamit kayo ng napakadakilang mga pagpapala—ano pa ang masasabi ninyo? Ano ang mga reklamo ninyo? Tinulutan na kayong matamasa ang pinakadakilang mga pagpapala at pinakadakilang biyaya sa langit, at ngayon ay inihahayag sa inyo ang gawaing hindi pa nagawa sa lupa kailanman. Hindi ba ito isang pagpapala? Kinakastigo kayo nang ganito ngayon dahil lumaban at naghimagsik kayo laban sa Diyos. Dahil sa pagkastigong ito, nakita na ninyo ang awa at pagmamahal ng Diyos, at nakita na rin ninyo ang Kanyang katuwiran at kabanalan. Dahil sa pagkastigong ito at dahil sa karumihan ng sangkatauhan, nakita na ninyo ang dakilang kapangyarihan ng Diyos, at nakita na ninyo ang Kanyang kabanalan at kadakilaan. Hindi ba ito ang pinakapambihira sa mga katotohanan? Hindi ba ito isang buhay na may kahulugan? Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay puno ng kahulugan! Kaya, mas mababa ang inyong posisyon, mas pinatutunayan nito na itinataas kayo ng Diyos, at mas pinatutunayan nito ang malaking kahalagahan ng Kanyang gawain sa inyo ngayon. Ito ay sadyang isang kayamanang walang kasinghalaga, na hindi makukuha sa iba pang lugar! Sa pagdaan ng mga kapanahunan, walang sinumang nakapagtamasa ng gayon kadakilang kaligtasan. Ang katotohanan na mababa ang inyong posisyon ay nagpapakita kung gaano kadakila ang pagliligtas ng Diyos, at ipinapakita nito na ang Diyos ay tapat sa sangkatauhan—Siya ay nagliligtas, hindi namumuksa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 186

Nang pumarito ang Diyos sa lupa, hindi Siya kabilang sa mundo, at hindi Siya naging tao upang masiyahan sa mundo. Ang lugar kung saan ipapakita ng paggawa ang Kanyang disposisyon at magiging pinakamakahulugan ay ang lugar kung saan Siya isinilang. Banal man o marumi ang lupain, at saan man Siya gumagawa, Siya ay banal. Lahat ng bagay sa mundo ay nilikha Niya, bagama’t lahat ay nagawa nang tiwali ni Satanas. Gayunpaman, lahat ng bagay ay pag-aari pa rin Niya; nasa mga kamay Niya ang lahat ng iyon. Pumupunta Siya sa isang maruming lupain at gumagawa roon upang ihayag ang Kanyang kabanalan; ginagawa lamang Niya ito alang-alang sa Kanyang gawain, na ibig sabihin ay tinitiis Niya ang malaking kahihiyan upang gawin ang gayong gawain upang iligtas ang mga tao ng maruming lupaing ito. Ginagawa ito upang magpatotoo, para sa kapakanan ng buong sangkatauhan. Ang ipinapakita sa mga tao ng gayong gawain ay ang katuwiran ng Diyos, at mas naipapakita nito ang pangingibabaw ng Diyos. Ang Kanyang kadakilaan at pagkamatuwid ay nakikita sa pagliligtas ng isang grupo ng hamak na mga tao na nililibak ng iba. Ang maisilang sa isang maruming lupain ay ni hindi man lang nagpapatunay na Siya ay hamak; tinutulutan lamang nitong makita ng lahat ng nilikha ang Kanyang kadakilaan at Kanyang tunay na pagmamahal para sa sangkatauhan. Habang mas ginagawa Niya ito, mas inihahayag nito ang Kanyang dalisay na pagmamahal, ang Kanyang perpektong pagmamahal sa tao. Ang Diyos ay banal at matuwid. Kahit isinilang Siya sa isang maruming lupain, at kahit kapiling Niya sa buhay ang mga taong iyon na puno ng karumihan, gaya noong namuhay si Jesus sa piling ng mga makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ba ginawa ang Kanyang buong gawain upang manatiling buhay ang buong sangkatauhan? Hindi ba lahat ng iyon ay upang magtamo ng dakilang kaligtasan ang sangkatauhan? Dalawang libong taon na ang nakararaan, namuhay Siya sa piling ng mga makasalanan sa loob ng ilang taon. Iyon ay alang-alang sa pagtubos. Ngayon, namumuhay Siya sa piling ng isang grupo ng marurumi at hamak na mga tao. Ito ay alang-alang sa kaligtasan. Hindi ba para sa kapakanan ninyong mga tao ang Kanyang buong gawain? Kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya nabuhay at nagdusa kasama ng mga makasalanan sa loob ng napakaraming taon pagkatapos maisilang sa isang sabsaban? At kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya magbabalik sa katawang-tao sa ikalawang pagkakataon, isisilang sa lupaing ito kung saan nagtitipon ang mga demonyo, at mamumuhay sa piling ng mga taong ito na lubhang nagawang tiwali ni Satanas? Hindi ba tapat ang Diyos? Anong bahagi ng Kanyang gawain ang hindi naging para sa sangkatauhan? Anong bahagi ang hindi naging para sa inyong tadhana? Ang Diyos ay banal—hindi iyan mababago! Hindi Siya narungisan ng dumi, bagama’t pumunta Siya sa isang maruming lupain; lahat ng ito ay maaari lamang mangahulugan na ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan ay lubhang hindi makasarili at ang pagdurusa at kahihiyang Kanyang tinitiis ay napakatindi! Hindi ba ninyo alam kung gaano kalaking kahihiyan ang Kanyang dinaranas, para sa inyong lahat at para sa inyong tadhana? Sa halip na iligtas ang mga dakilang tao o ang mga anak ng mayaman at makapangyarihang mga pamilya, tinitiyak Niyang iligtas yaong mga hamak at minamaliit ng iba. Hindi ba lahat ng ito ay Kanyang kabanalan? Hindi ba lahat ng ito ay Kanyang katuwiran? Para manatiling buhay ang buong sangkatauhan, mas gusto pa Niyang maisilang sa isang maruming lupain at magdusa ng lahat ng kahihiyan. Ang Diyos ay tunay na tunay—wala Siyang ginagawang huwad na gawain. Hindi ba ginagawa ang bawat yugto ng Kanyang gawain sa napakapraktikal na paraan? Kahit sinisiraan Siya ng lahat ng tao at sinasabi na nauupo Siya sa hapag na kasama ang mga makasalanan, kahit iniinsulto Siya ng lahat ng tao at sinasabi na namumuhay Siya sa piling ng mga anak ng karumihan, na namumuhay Siya sa piling ng pinakahamak sa lahat ng tao, iniaalay pa rin Niya nang buung-buo ang Kanyang Sarili, at sa gayo’y tinatanggihan pa rin Siya ng sangkatauhan. Hindi ba mas matindi ang pagdurusang Kanyang tinitiis kaysa sa inyo? Hindi ba mas malaki ang gawaing Kanyang ginagawa kaysa sa halagang inyong naibayad? Kayo ay isinilang sa isang lupain ng karumihan, subalit nakamit ninyo ang kabanalan ng Diyos. Isinilang kayo sa isang lupain kung saan nagtitipon ang mga demonyo, subalit labis kayong naprotektahan. Ano pa ang pagpipilian ninyo? Ano ang inirereklamo ninyo? Hindi ba mas matindi ang pagdurusang Kanyang natiis kaysa sa pagdurusang natiis ninyo? Naparito Siya sa lupa at hindi nagtamasa kailanman ng mga kasiyahan ng tao sa mundo. Kinasusuklaman Niya ang gayong mga bagay. Hindi pumarito ang Diyos sa lupa upang magtamasa ng mga materyal na bagay na bigay ng tao, ni upang masiyahan sa pagkain, damit, at mga palamuti ng tao. Hindi Niya pinapansin ang mga bagay na ito. Naparito Siya sa lupa upang magdusa para sa tao, hindi para magtamasa ng makamundong kayamanan. Naparito Siya upang magdusa, gumawa, at tapusin ang Kanyang plano ng pamamahala. Hindi Siya pumili ng isang magandang lugar, tumira sa isang embahada o isang magarang hotel, at wala rin Siyang mga katulong na magsisilbi sa Kanya. Batay sa inyong nakita, hindi ba ninyo alam kung naparito Siya upang gumawa o masiyahan? Hindi ba nakikita ng inyong mga mata? Gaano ba ang naibigay Niya sa inyo? Kung Siya ay naisilang sa isang komportableng lugar, magagawa kaya Niyang magtamo ng kaluwalhatian? Makakagawa ba Siya? Magkakaroon kaya ng anumang kabuluhan ang paggawa Niya noon? Malulupig kaya Niya nang lubusan ang sangkatauhan? Masasagip kaya Niya ang mga tao mula sa lupain ng karumihan? Itinatanong ng mga tao, ayon sa kanilang mga kuru-kuro: “Yamang ang Diyos ay banal, bakit Siya isinilang dito sa aming maruming lugar? Napopoot at nasusuklam Ka sa amin na maruruming tao; nasusuklam Ka sa aming paglaban at aming pagkasuwail, kaya bakit Ka namumuhay sa piling namin? Ikaw ay isang kataas-taasang Diyos. Maaari Kang isilang kahit saan, kaya bakit Mo kinailangang maisilang sa maruming lupaing ito? Kinakastigo at hinahatulan Mo kami araw-araw, at alam na alam Mo na kami ay mga inapo ni Moab, kaya bakit namumuhay Ka pa rin sa piling namin? Bakit Ka isinilang sa isang pamilya ng mga inapo ni Moab? Bakit Mo ginawa iyon?” Ang mga iniisip ninyong ito ay lubos na wala sa katwiran! Ang gayong gawain lamang ang nagtutulot sa mga tao na makita ang Kanyang kadakilaan, ang Kanyang kapakumbabaan at pagiging tago. Handa Siyang isakripisyo ang lahat alang-alang sa Kanyang gawain, at napagtiisan Niya ang lahat ng pagdurusa para sa Kanyang gawain. Kumikilos Siya para sa kapakanan ng sangkatauhan, at higit pa riyan, para lupigin si Satanas, upang lahat ng nilalang ay magpasakop sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Ito lamang ang makahulugan at mahalagang gawain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 187

Sa panahong si Jesus ay gumawa sa Judea, gumawa Siya nang lantaran, ngunit ngayon, gumagawa at nagsasalita Ako sa inyo nang lihim. Ganap na hindi ito alam ng mga hindi mananampalataya. Ang Aking gawain sa inyo ay sarado sa mga nasa labas. Ang mga salitang ito, ang mga pagkastigo at mga paghatol na ito, ay hayag lamang sa inyo at hindi sa iba pa. Lahat ng gawaing ito ay isinasagawa sa inyo at inihahayag lamang sa inyo; wala sa mga hindi mananampalataya ang nakakaalam nito, dahil hindi pa dumarating ang oras. Malapit nang maging ganap ang mga taong narito matapos na tiisin ang mga pagkastigo, ngunit walang alam ang mga nasa labas tungkol dito. Masyadong nakatago ang gawaing ito! Para sa kanila, natatago ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ngunit sa mga nasa daloy na ito, maaaring sabihin na Siya ay hayag. Bagama’t ang lahat ay bukas sa Diyos, ang lahat ay inihahayag, at ang lahat ay napapalaya, totoo lamang ito sa mga taong naniniwala sa Kanya; kung ang mga nalalabi, ang mga hindi mananampalataya, ang pag-uusapan, walang ipinaaalam sa kanila. Ang gawaing kasalukuyang isinasagawa sa inyo at sa China ay mahigpit na nakasarado, upang hindi nila malaman. Kung malalaman nila ang gawaing ito, pagkondena at pag-uusig lamang ang gagawin nila rito. Hindi sila maniniwala rito. Ang gumawa sa bansa ng malaking pulang dragon, ang pinakapaurong sa mga lugar, ay hindi isang madaling gawain. Kung ang gawaing ito ay ihahayag, magiging imposibleng magpatuloy ito. Ang yugtong ito ng gawain ay sadyang hindi maisasagawa sa lugar na ito. Kung ang gawaing ito ay isasagawa nang lantaran, paano nila pahihintulutan itong sumulong? Hindi ba ito magdadala ng mas malaking panganib sa gawain? Kung hindi itinago ang gawaing ito, at sa halip ay isinagawa tulad sa panahon ni Jesus, nang kamangha-mangha Siyang nagpagaling ng maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, hindi kaya matagal na itong “sinunggaban” ng mga demonyo? Kaya ba nilang tiisin ang pag-iral ng Diyos? Kung papasok Ako ngayon sa mga sinagoga upang mangaral at magbigay ng sermon sa tao, hindi kaya matagal na Akong nagkadurug-durog? At kung nangyari ito, paano patuloy na maisasagawa ang Aking gawain? Ang dahilan kung bakit ang mga tanda at kababalaghan ay hindi ipinapamalas nang lantaran ay para magkubli. Kaya ang Aking gawain ay hindi maaaring makita, malaman, o matuklasan ng mga hindi mananampalataya. Kung ang yugtong ito ng gawain ay gagawin sa parehong paraan tulad ng kay Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ito magiging napakatatag gaya ngayon. Kaya, ang gumawa nang patago sa paraang ito ay may benepisyo sa inyo at sa kabuuan ng gawain. Kapag ang gawain ng Diyos sa lupa ay dumarating na sa katapusan, ibig sabihin, kapag ang lihim na gawaing ito ay natatapos na, ang yugtong ito ng gawain ay mahahayag. Malalaman ng lahat na may isang grupo ng mga mananagumpay sa China; malalaman ng lahat na nasa China ang Diyos na nagkatawang-tao at dumating na sa pagtatapos ang Kanyang gawain. Doon lamang magliliwanag sa tao: Bakit hindi pa nagpapakita ang China ng paghina o pagbagsak? Lumalabas na ang Diyos ay personal na nagsasagawa ng Kanyang gawain sa China at ginawang perpekto ang isang grupo ng tao para maging mga mananagumpay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 2

Sinundan: Pagkilala sa Gawain ng Diyos

Sumunod: Pagkilala sa Gawain ng Diyos II

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito