Pagkilala sa Gawain ng Diyos II

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 188

Bilang mga mananampalataya sa Diyos, dapat pasalamatan ng bawat isa sa inyo kung paano ninyo tunay na natamo ang sukdulang pagdadakila at pagliligtas sa pamamagitan ng pagtanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at sa gawain ng Kanyang plano na ginagawa Niya sa iyo ngayon. Ginawa ng Diyos na nag-iisang tuon ng Kanyang gawain ang grupong ito ng mga tao sa buong sansinukob. Isinakripisyo na Niya ang lahat ng dugo sa Kanyang puso para sa inyo; binawi at ibinigay na Niya sa inyo ang buong gawain ng Espiritu sa buong sansinukob. Ito ang dahilan kung bakit kayo ang mapapalad. Bukod pa rito, inilipat na Niya ang Kanyang kaluwalhatian mula sa Israel, ang mga taong Kanyang hinirang, sa inyo, at lubos Niyang ipamamalas ang layunin ng Kanyang plano sa pamamagitan ng grupong ito. Samakatuwid, kayo ang mga tatanggap ng pamana ng Diyos, at higit pa rito, kayo ang mga tagapagmana ng kaluwalhatian ng Diyos. Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: “Sapagka’t ang aming magaang na kapighatian, na sa isang sandali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng mas higit at walang hanggang bigat ng kaluwalhatian.” Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at nangangailangan ng mahaba-habang panahon ang pagsasakatuparan sa marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng paghihirap na ito ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagdurusa ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang kakayahan, at sa pamamagitan ng lahat ng satanikong disposisyon ng mga tao ng maruming lupaing ito ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagdadalisay at paglupig, upang, mula rito, magkamit Siya ng kaluwalhatian, at makamit Niya yaong mga magpapatotoo sa Kanyang mga gawa. Ganyan ang buong kabuluhan ng lahat ng sakripisyong ginawa ng Diyos para sa grupong ito ng mga tao. Ibig sabihin, ginagawa ng Diyos ang gawain ng panlulupig sa pamamagitan ng mga kumokontra sa Kanya, at sa gayon lamang maipamamalas ang malaking kapangyarihan ng Diyos. Sa madaling salita, yaon lamang mga nasa maruming lupain ang karapat-dapat na magmana ng kaluwalhatian ng Diyos, at ito lamang ang magpapabukod-tangi sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit sa maruming lupain, at sa mga yaon na naninirahan doon, nakakamit ang kaluwalhatian ng Diyos. Ganyan ang kalooban ng Diyos. Ang yugto ng gawain ni Jesus ay kapareho nito: Maaari lamang Siyang magtamo ng kaluwalhatian sa gitna ng mga Pariseo na umusig sa Kanya; kung hindi sa pag-uusig ng mga Pariseo at sa pagkakanulo ni Judas, hindi sana napagtawanan o nasiraang-puri si Jesus, lalong hindi sana Siya ipinako sa krus, at sa gayon ay hindi sana Siya nagkamit ng kaluwalhatian. Kung saan gumagawa ang Diyos sa bawat kapanahunan, at kung saan Siya gumagawa ng Kanyang gawain sa katawang-tao, doon Siya nagkakamit ng kaluwalhatian at doon Niya nakakamit yaong mga nais Niyang makamtan. Ito ang plano ng gawain ng Diyos, at ito ang Kanyang pamamahala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 189

Sa plano ng Diyos ng ilang libong taon, dalawang bahagi ng gawain ang ginagawa sa katawang-tao: Ang una ay ang gawaing maipako sa krus, kung saan Siya ay nagtatamo ng kaluwalhatian; ang isa pa ay ang gawain ng panlulupig at pagpeperpekto sa mga huling araw, kung saan Siya ay nagtatamo ng kaluwalhatian. Ito ang pamamahala ng Diyos. Kaya huwag ninyong ituring na simpleng bagay ang gawain ng Diyos, o ang tagubilin ng Diyos sa inyo. Lahat kayo ay mga tagapagmana sa sobra-sobra at walang-hanggang bigat ng kaluwalhatian ng Diyos, at ito ay espesyal na itinalaga ng Diyos. Sa dalawang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian, ang isa ay nakikita sa inyo; ang kabuuan ng isang bahagi ng kaluwalhatian ng Diyos ay ipinagkaloob na sa inyo, upang siyang maging inyong pamana. Ito ang pagdadakila sa inyo ng Diyos, at ito rin ang plano na matagal na Niyang paunang natukoy. Dahil sa kadakilaan ng gawaing nagawa ng Diyos sa lupain kung saan nananahan ang malaking pulang dragon, kung nalipat ang gawaing ito sa ibang lugar, matagal na sana itong nagkaroon ng maraming bunga at madaling natanggap ng tao. Bukod pa rito, naging napakadali sanang tanggapin ang gawaing ito para sa mga pastor ng Kanluran na naniniwala sa Diyos, sapagkat ang yugto ng gawain ni Jesus ay nagsisilbing isang huwaran. Ito ang dahilan kung bakit hindi nagagawang makamit ng Diyos ang yugtong ito ng gawain ng pagkakamit ng luwalhati sa ibang lugar; kapag sinusuportahan ng mga tao at kinikilala ng mga bansa ang gawain, hindi magiging matatag ang kaluwalhatian ng Diyos. Ito mismo ang pambihirang kabuluhang taglay ng yugtong ito ng gawain sa lupaing ito. Wala ni isa mang tao sa inyo ang protektado ng batas—sa halip, kayo ay pinaghihigpitan ng batas. Ang mas malaking problema pa ay hindi kayo nauunawaan ng mga tao: Mga kamag-anak man ninyo, mga magulang, mga kaibigan, o mga kasamahan, walang isa man sa kanila ang nakakaunawa sa inyo. Kapag kayo ay pinabayaan ng Diyos, imposibleng patuloy kayong mamuhay sa lupa, ngunit magkagayon man, hindi kaya ng mga tao na mapalayo sa Diyos, na siyang kabuluhan ng paglupig ng Diyos sa mga tao, at siyang kaluwalhatian ng Diyos. Ang namana ninyo sa araw na ito ay higit pa sa namana ng mga apostol at propeta sa lahat ng panahon at higit pa sa namana nina Moises at Pedro. Ang mga pagpapala ay hindi matatanggap sa loob ng isa o dalawang araw; ang mga iyon ay kailangang makamtan sa pamamagitan ng malaking sakripisyo. Ibig sabihin, kailangan niyong magtaglay ng pagmamahal na nagdaan na sa pagpipino, kailangan kayong magkaroon ng malaking pananampalataya, at kailangan kayong magkaroon ng maraming katotohanang hinihingi ng Diyos na inyong matamo; bukod pa rito, kailangang bumaling kayo sa katarungan, nang hindi tinatakot o umiiwas, at kailangang magkaroon kayo ng pagmamahal sa Diyos na tuluy-tuloy hanggang kamatayan. Kailangang magkaroon kayo ng pagpapasya, kailangang magkaroon ng mga pagbabago sa inyong disposisyon sa buhay, kailangang malunasan ang inyong katiwalian, kailangang tanggapin ninyo ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos nang walang reklamo, at kailangang maging masunurin kayo maging hanggang kamatayan. Ito ang dapat ninyong makamit, ito ang panghuling layunin ng gawain ng Diyos, at ito ang hinihingi ng Diyos sa grupong ito ng mga tao. Dahil nagbibigay Siya sa inyo, gayundin naman tiyak na may hihingin Siya bilang kapalit, at tiyak na hihingi Siya ng akmang mga kahilingan sa inyo. Samakatuwid, may dahilan ang lahat ng gawain ng Diyos, na nagpapakita kung bakit, paulit-ulit, gumagawa ang Diyos ng gawaing nagtatakda ng matataas na pamantayan at mahihigpit na kinakailangan. Ito ang dahilan kaya dapat kayong mapuspos ng pananampalataya sa Diyos. Sa madaling salita, lahat ng gawain ng Diyos ay ginagawa para sa inyong kapakanan, nang sa gayon ay maging karapat-dapat kayong tumanggap ng Kanyang pamana. Hindi ito gaanong para sa kapakanan ng sariling kaluwalhatian ng Diyos kundi para sa kapakanan ng inyong kaligtasan at para sa pagpeperpekto sa grupong ito ng mga tao na lubhang napahirapan sa maruming lupain. Dapat ninyong unawain ang kalooban ng Diyos. Kaya nga, pinapayuhan Ko ang maraming taong mangmang na walang anumang kabatiran o katinuan: Huwag ninyong subukin ang Diyos, at huwag na kayong lumaban. Nagtiis na ang Diyos ng pagdurusang hindi kailanman tiniis ng tao, at matagal nang nagtiis maging ng mas matinding kahihiyan alang-alang sa tao. Ano pa ang hindi ninyo kayang bitawan? Ano pa ang mas mahalaga kaysa sa kalooban ng Diyos? Ano pa ang mas hihigit kaysa sa pagmamahal ng Diyos? Sapat nang nahirapan ang Diyos na isagawa ang Kanyang gawain sa maruming lupaing ito; kung, bukod pa rito, sadya at kusang sumusuway ang tao, kailangang tagalan pa ang gawain ng Diyos. Sa madaling salita, hindi ito para sa pinakamabuting kapakanan ng isang tao, walang pakinabang ito kaninuman. Walang sinusunod na panahon ang Diyos; ang Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian ang nauuna. Samakatuwid, isasakripisyo Niya ang lahat para sa Kanyang gawain, gaano man ito katagal. Ito ang disposisyon ng Diyos: Hindi Siya magpapahinga hangga’t hindi natatapos ang Kanyang gawain. Magwawakas lamang ang Kanyang gawain kapag natatamo na Niya ang ikalawang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian. Kung sa buong sansinukob ay hindi matatapos ng Diyos ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain ng pagtatamo ng kaluwalhatian, hindi darating kailanman ang Kanyang araw, hindi lilisanin ng Kanyang kamay ang mga taong Kanyang hinirang, hindi sasapit ang Kanyang kaluwalhatian sa Israel kailanman, at hindi matatapos ang Kanyang plano kailanman. Dapat ninyong makita ang kalooban ng Diyos, at dapat ninyong makita na ang gawain ng Diyos ay hindi kasing-simple ng paglikha sa mga kalangitan at sa lupa at sa lahat ng bagay. Iyan ay dahil ang gawain sa ngayon ay ang pagbabago ng mga yaong nagawang tiwali, na naging labis na manhid, iyon ay para dalisayin yaong mga nilikha ngunit inimpluwensyahan ni Satanas. Hindi iyon ang paglikha kay Adan o kay Eba, lalong hindi iyon ang paglikha ng liwanag, o ang paglikha ng lahat ng halaman at hayop. Ginagawang dalisay ng Diyos ang lahat ng bagay na nagawang tiwali ni Satanas at pagkatapos ay muli silang inaangkin; nagiging mga bagay sila na pag-aari Niya, at nagiging Kanyang kaluwalhatian. Hindi ito katulad ng inaakala ng tao, hindi ito kasing-simple ng paglikha ng kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay na naroon, o ang gawaing sumpain si Satanas sa walang-hanggang kalaliman; sa halip, ito ang gawaing baguhin ang tao—ang mga bagay na negatibo at hindi sa Kanya ay ginagawang mga bagay na positibo at Kanya nga. Ito ang katotohanan sa likod ng yugtong ito ng gawain ng Diyos. Kailangan ninyo itong maunawaan, at iwasan ang sobrang pagpapasimple ng mga bagay-bagay. Ang gawain ng Diyos ay hindi katulad ng anumang karaniwang gawain. Ang pagiging kamangha-mangha at karunungan nito ay hindi kayang isipin ng tao. Hindi nililikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa yugtong ito ng gawain, ngunit hindi rin Niya winawasak ang mga iyon. Sa halip, binabago Niya ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha, at dinadalisay ang lahat ng bagay na narungisan ni Satanas. Kaya nga sinisimulan ng Diyos ang isang napakalaking gawain, na siyang buong kabuluhan ng gawain ng Diyos. Nakikita mo ba sa mga salitang ito na talagang napakasimple ng gawain ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 190

Ang 6,000 taong gawain ng pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto: ang Kapanahunan ng Kautusan, ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang Kapanahunan ng Kaharian. Ang tatlong yugtong ito ng gawain ay para lahat sa kapakanan ng pagliligtas sa sangkatauhan, na ang ibig sabihin, ang mga iyon ay para sa pagliligtas sa sangkatauhan na labis na natiwali ni Satanas. Gayunpaman, kasabay nito, ang mga iyon ay para rin maaaring makagawa ang Diyos ng pakikipagdigma kay Satanas. Kaya, kung paanong ang gawain ng pagliligtas ay nahahati sa tatlong yugto, gayundin ang pakikipagdigma kay Satanas ay nahahati rin sa tatlong yugto, at ang dalawang aspetong ito ng gawain ng Diyos ay sabay na pinatatakbo. Ang pakikipagdigma kay Satanas ay talagang para sa kapakanan ng pagliligtas sa sangkatauhan, at dahil sa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi isang bagay na matagumpay na natatapos sa iisang yugto, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinahati rin sa mga bahagi at yugto, at isinasagawa ang pakikipagdigma kay Satanas alinsunod sa mga pangangailangan ng tao at sa lawak ng pagtiwali ni Satanas sa kanya. Marahil, sa imahinasyon ng tao, siya ay naniniwala na sa digmaang ito ang Diyos ay gagamit ng mga sandata laban kay Satanas, kagaya ng paraan na ang dalawang hukbo ay maglalaban sa isa’t isa. Ito lamang ang kayang guni-gunihin ng talino ng tao; ito ay isang sukdulang malabo at di-makatotohanang ideya, ngunit ito ang pinaniniwalaan ng tao. At dahil sinasabi Ko rito na ang paraan ng pagliligtas sa tao ay sa pamamagitan ng pakikipagdigma kay Satanas, iniisip ng tao na sa ganitong paraan isasagawa ang pakikipagdigma. May tatlong yugto sa gawain ng pagliligtas sa tao, na ang ibig sabihin na ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinati sa tatlong yugto upang minsanan at ganap nang magapi si Satanas. Ngunit ang katotohanang nakapaloob sa buong gawain ng pakikipagdigma kay Satanas ay yaong ang mga epekto nito ay natatamo sa pamamagitan ng ilang hakbang ng gawain: pagkakaloob ng biyaya sa tao, pagiging handog sa kasalanan ng tao, pagpapatawad sa mga kasalanan ng tao, paglupig sa tao, at paggawang perpekto sa tao. Bilang katunayan, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hindi ang paggamit ng mga armas laban kay Satanas, kundi ang pagliligtas sa tao, ang paggawa sa buhay ng tao, at ang pagbabago sa disposisyon ng tao upang siya ay maaaring magtaglay ng patotoo sa Diyos. Ganito kung paano natatalo si Satanas. Si Satanas ay natatalo sa pamamagitan ng pagbabago sa tiwaling disposisyon ng tao. Kapag natalo na si Satanas, iyan ay, kapag ang tao ay lubos nang naligtas, sa gayon ang napahiyang si Satanas ay tuluyan nang magagapos, at sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. Kaya, ang diwa ng pagliligtas sa tao ay ang digmaan laban kay Satanas, at ang digmaang ito ay unang-unang nasasalamin sa pagliligtas sa tao. Ang yugto ng mga huling araw, kung saan malulupig ang tao, ay ang huling yugto sa pakikipagdigma kay Satanas, at ito rin ang gawain ng ganap na pagliligtas sa tao mula sa sakop ni Satanas. Ang panloob na kahulugan ng paglupig sa tao ay ang pagbabalik ng pagsasakatawan ni Satanas—ang tao na nagawang tiwali ni Satanas—sa Lumikha kasunod ng paglupig sa kanya, kung saan sa pamamagitan nito ay tatalikdan niya si Satanas at lubusang magbabalik sa Diyos. Sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. At kaya, ang gawain ng panlulupig ay ang huling gawain sa digmaan laban kay Satanas at ang huling yugto sa pamamahala ng Diyos para sa kapakanan ng pagtalo kay Satanas. Kung wala ang gawaing ito, ang lubos na kaligtasan ng tao sa kahuli-hulihan ay magiging imposible, ang ganap na pagkatalo ni Satanas ay magiging imposible rin, at ang sangkatauhan ay hindi kailanman makakapasok sa kamangha-manghang hantungan, o makakalaya sa impluwensya ni Satanas. Dahil dito, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi matatapos bago ang pakikipagdigma kay Satanas ay natatapos, sapagkat ang ubod ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay para sa kapakanan ng pagliligtas sa tao. Ang pinakaunang sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos, ngunit dahil sa panunukso at pagtiwali ni Satanas, ang tao ay naigapos ni Satanas at nahulog sa mga kamay ng masama. Kaya, si Satanas ay naging ang layon na tatalunin sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sapagkat ang tao ay inangkin ni Satanas, at dahil ang tao ang puhunan na ginagamit ng Diyos upang isakatuparan ang buong pamamahala, kung ililigtas ang tao, kung gayon ay kailangang maagaw siya mula sa mga kamay ni Satanas, ibig sabihin na ang tao ay kailangang mabawi pagkatapos ng pagkabihag ni Satanas. Sa gayon, kailangang matalo si Satanas sa pamamagitan ng mga pagbabago sa dating disposisyon ng tao, mga pagbabagong magpapanumbalik sa orihinal na katinuan at katwiran ng tao. Sa ganitong paraan, ang tao, na nabihag, ay maaagaw pang muli mula sa mga kamay ni Satanas. Kung napapalaya ang tao mula sa impluwensya at pagkagapos ni Satanas, sa gayon ay mapapahiya si Satanas, ang tao sa kahuli-hulihan ay mababawi, at si Satanas ay magagapi. At dahil ang tao ay napalaya mula sa madilim na impluwensya ni Satanas, ang tao ang magiging samsam ng kabuoang labanang ito, at si Satanas ay magiging ang layon na parurusahan sa sandaling natapos ang labanan, kung saan pagkatapos nito ang kabuuang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay makukumpleto na.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 191

Nagkatawang-tao ang Diyos sa kalakhang-lupain ng China, na ang tawag ng mga kababayan sa Hong Kong at Taiwan ay “panloob-na-lupain.” Nang dumating ang Diyos mula sa itaas tungo sa lupa, walang sinuman sa langit at lupa ang nakaalam tungkol dito, sapagkat ito ang tunay na kahulugan ng pagbabalik ng Diyos nang patago. Mahabang panahon na Siyang gumagawa at namumuhay sa katawang-tao, datapwat walang sinuman ang nakaaalam nito. Hanggang sa araw na ito, walang sinuman ang nakakakilala rito. Marahil ito ay mananatiling isang walang-hanggang palaisipan. Ang pagdating ng Diyos sa katawang-tao sa panahong ito ay isang bagay na hindi posibleng mabatid ng kahit sino. Gaano man kalaki at kamakapangyarihan ang gawain ng Espiritu, nananatiling palaging kalmado ang Diyos at hindi kailanman nagbibigay ng kahit ano. Maaaring may magsabi na ang yugtong ito ng Kanyang gawain ay parang nagaganap sa langit. Kahit na ito ay ganap na halata sa lahat na may mga matang nakakakita, walang sinuman ang nakakakilala rito. Kapag tinapos ng Diyos ang yugtong ito ng Kanyang gawain, aalisin ng buong sangkatauhan ang kanilang karaniwang saloobin,[1] at magigising mula sa kanilang mahabang panaginip. Natatandaan Ko nang minsang sabihin ng Diyos na, “Ang pagparito na nasa katawang-tao sa panahong ito ay parang tulad ng pagbagsak sa lungga ng isang tigre.” Ang ibig sabihin nito ay, dahil sa ikot na ito ng gawain ng Diyos ay dumarating ang Diyos sa katawang-tao at bukod pa riyan ay isinisilang sa tirahan ng malaking pulang dragon, higit kaysa rati, nahaharap Siya sa matinding panganib sa pagparito sa lupa sa panahong ito. Ang kinakaharap Niya ay mga kutsilyo at mga baril at mga garote at mga panghampas; ang kinakaharap Niya ay tukso; ang kinakaharap Niya ay ang maraming tao na may mga mukhang naglalayong pumatay. Nakalantad Siya sa panganib na mapatay anumang sandali. Dumating ang Diyos na may poot. Gayunpaman, dumating Siya upang isakatuparan ang gawain ng pagperpekto, na nangangahulugan na dumating dito upang isagawa ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain na nagpapatuloy ng gawain ng pagtubos. Para sa kapakanan ng yugtong ito ng Kanyang gawain, inilaan ng Diyos ang sukdulang pagpapahalaga at pag-iingat at gumagamit ng bawat maiisip na mga paraan upang maiwasan ang mga pag-atake ng tukso, mapagkumbabang itinatago ang Kanyang sarili at hindi kailanman ipinagyayabang ang Kanyang pagkakakilanlan. Sa pagsagip sa tao mula sa krus, kinumpleto lamang ni Jesus ang gawain ng pagtubos; hindi Siya gumagawa ng gawaing pagperpekto. Kaya kalahati lamang ng gawain ng Diyos ang naisakatuparan, at ang pagtatapos ng gawain ng pagtubos ay kalahati lamang ng Kanyang buong plano. Sa pag-uumpisa ng bagong kapanahunan at pagtatapos ng luma, ang Diyos Ama ay nagsimulang pag-isipan ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain at paghandaan ito. Hindi malinaw na iprinopesiya noong unang panahon ang pagkakatawang-taong ito sa mga huling araw, kaya naglatag ito ng isang pundasyon para higit pang mailihim ang pagdating ngayon ng Diyos sa katawang-tao. Sa pagsapit ng bukang-liwayway, lingid sa napakaraming tao, naparito ang Diyos sa lupa at sinimulan ang Kanyang buhay sa katawang-tao. Hindi alam ng mga tao ang pagdating ng sandaling ito. Siguro lahat sila ay mahimbing na natutulog, marahil maraming nagbabantay ang naghihintay nang gising, at marahil marami ang nagdarasal nang tahimik sa Diyos sa langit. Gayunman sa gitna ng lahat ng maraming taong ito, wala ni isang nakaalam na ang Diyos ay dumating na sa lupa. Gumawa ang Diyos ng tulad nito nang sa gayon ay mas maayos na maisakatuparan ang Kanyang gawain at makamit ang mas mahusay na mga resulta, at upang maiwasan din ang maraming tukso. Sa pagkagising ng tao sa mahimbing na pagkakatulog, ang gawain ng Diyos ay matagal nang natapos at Siya’y aalis na, wawakasan ang Kanyang buhay na binubuo ng paglilibot at pansamantalang pagtigil sa lupa. Dahil ang gawain ng Diyos ay nangangailangan na ang Diyos ay kumilos at magsalita nang personal, at dahil walang paraan ang tao upang makialam, tiniis ng Diyos ang matinding sakit upang pumarito sa lupa at gawin Niya Mismo ang gawain. Hindi kayang humalili ng tao sa gawain ng Diyos. Ito ang dahilan kaya hinarap ng Diyos ang mga panganib nang ilang libong beses na mas matindi kaysa roon sa Kapanahunan ng Biyaya upang bumaba sa kung saan ang malaking pulang dragon ay nananahan upang gawin ang Kanyang sariling gawain, upang ibuhos ang lahat ng Kanyang pag-iisip at pangangalaga sa pagtubos sa grupong ito ng naghihirap na mga tao, sa grupong ito ng mga taong nasadlak sa tambak ng basura. Kahit na walang nakakaalam sa pag-iral ng Diyos, hindi nababalisa ang Diyos dahil ito ay malaking kapakinabangan sa gawain ng Diyos. Dahil ang lahat ay karumal-dumal at masama, paano kaya nila matitiis ang pag-iral ng Diyos? Iyon ang dahilan kung bakit, pagparito sa lupa, pinananatili ng Diyos ang Kanyang katahimikan. Kahit gaano kalabis ang kalupitan ng tao, hindi dinidibdib ng Diyos ang alinman dito, ngunit patuloy lamang Siya sa paggawa ng kailangang gawain upang matupad ang mas dakilang tagubilin na ibinigay sa Kanya ng Ama sa langit. Sino sa inyo ang nakakakilala ng pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Sino ang nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa pasanin ng Diyos Ama na higit kaysa sa ginagawa ng Kanyang Anak? Sino ang may kakayahang maunawaan ang kalooban ng Diyos Ama? Madalas na nababalisa ang Espiritu ng Diyos Ama sa langit, at ang Kanyang Anak sa lupa ay madalas na nananalangin para sa kalooban ng Diyos Ama at lubhang nababahala ang Kanyang puso. Mayroon bang kahit sino na nakakaalam ng pag-ibig ng Diyos Ama para sa Kanyang Anak? Mayroon bang kahit sino na nakakaalam kung paano nangungulila ang sinisintang Anak sa Diyos Ama? Nagdadalawang-isip sa pagitan ng langit at lupa, ang dalawa ay patuloy na tinititigan ang isa’t isa mula sa malayo at magkaagapay sa Espiritu. O sangkatauhan! Kailan ninyo isasaalang-alang ang puso ng Diyos? Kailan ninyo mauunawaan ang intensyon ng Diyos? Palaging umaasa ang Ama at Anak sa isa’t isa. Kung gayon, bakit Sila dapat maghiwalay, ang isa ay nasa langit sa itaas at ang isa naman ay nasa lupa sa ibaba? Minamahal ng Ama ang Kanyang Anak gaya ng pagmamahal ng Anak sa Kanyang Ama. Kung gayon, bakit dapat maghintay ang Ama nang may gayong pag-asam at manabik nang may gayong pagkabalisa para sa Anak? Kahit hindi Sila nagkahiwalay nang matagal, mayroon bang kahit sino na nakakaalam kung gaano karaming araw at gabi na masakit na nangungulila ang Ama, at kung gaano katagal na Siyang nananabik sa mabilis na pagbalik ng Kanyang minamahal na Anak? Nagmamasid Siya, tahimik Siyang nakaupo, at naghihintay Siya; wala Siyang ibang ginagawa kundi ang pabilisin ang pagbalik ng Kanyang minamahal na Anak. Kailan kaya Niya muling makakasama ang Anak na naglilibot hanggang sa mga sulok ng lupa? Kahit na sa muling pagkikita ay magsasama Sila sa walang hanggan, paano Niya matitiis ang libu-libong araw at gabi ng paghihiwalay, ang isa ay nasa langit sa itaas at ang isa ay nasa lupa sa ibaba? Ang sampu-sampung taon sa lupa ay parang libu-libong taon sa langit. Paanong hindi mag-aalala ang Diyos Ama? Kapag pumaparito ang Diyos sa lupa, nararanasan Niya ang maraming pagbabago sa mundo ng mga tao kagaya ng nararanasan ng tao. Ang Diyos ay walang sala, kaya bakit Siya kailangang magdusa ng parehong pasakit gaya ng tao? Hindi nakapagtataka na minamadali ng Diyos Ama ang pagbalik ng Kanyang Anak; sino ang maaaring makaunawa sa puso ng Diyos? Binibigyan ng Diyos ang tao nang sobra; paano magagawa ng tao na bayaran nang sapat ang puso ng Diyos? Gayunman ang ibinibigay ng tao sa Diyos ay masyadong maliit, dahil doon, paanong hindi mag-aalala ang Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 4

Talababa:

1. Ang “aalisin ng buong sangkatauhan ang kanilang karaniwang saloobin” ay tumutukoy sa kung paano nagbabago ang mga kuru-kuro at mga pananaw ng mga tao tungkol sa Diyos sa sandaling nakilala nila ang Diyos.


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 192

Bihira sa mga tao ang nakakaunawa sa pagmamadali na nasa kalagayan ng isip ng Diyos, dahil masyadong mahina ang kakayahan ng mga tao at ang kanilang espiritu ay talagang matamlay, kaya wala sa kanila ang nakakapansin o nakakaintindi sa ginagawa ng Diyos. Kaya patuloy na nag-aalala ang Diyos sa tao, na parang ang malupit na kalikasan ng tao ay maaaring kumawala anumang sandali. Ito ay higit pang nagpapakita na ang pagdating ng Diyos sa lupa ay may kasamang malalaking tukso. Ngunit para sa kapakanan ng pagkumpleto sa isang grupo ng mga tao, ang Diyos na puno ng kaluwalhatian ay nagsabi sa tao ng bawat layunin Niya at walang itinatago na kahit ano. Matatag Siyang nagpasya na kumpletuhin ang grupong ito ng mga tao kaya dumating man ang paghihirap o tukso, tumitingin Siya nang palayo at hindi pinapansin ang lahat ng ito. Tahimik lamang Niyang ginagawa ang Kanyang sariling gawain, matatag na naniniwala na isang araw kapag nakamit na ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian, makikilala Siya ng tao, at naniniwalang kapag nakumpleto na ng Diyos ang tao, lubos niyang mauunawaan ang puso ng Diyos. Sa ngayon maaaring may mga tao na tinutukso ang Diyos o hindi nauunawaan ang Diyos o sinisisi ang Diyos; hindi dinidibdib ng Diyos ang anuman sa mga ito. Kapag bumaba ang Diyos sa kaluwalhatian, mauunawaan ng lahat ng tao na ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos ay para sa kaligayahan ng sangkatauhan, at mauunawaan ng lahat ng tao na ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos ay upang maging mas mahusay na makapagpatuloy sa pamumuhay ang sangkatauhan. Ang pagdating ng Diyos ay may kasamang mga tukso, at dumarating din ang Diyos na may karingalan at poot. Sa panahong iniiwan na ng Diyos ang tao ay matagal na Niyang nakamit ang Kanyang kaluwalhatian, at aalis Siya na punung-puno ng kaluwalhatian at may kagalakan ng pagbabalik. Ang Diyos na gumagawa sa lupa ay hindi dinidibdib kahit paano man ang pagtanggi sa Kanya ng mga tao. Patuloy lamang Niyang isinasakatuparan ang Kanyang gawain. Ang paglikha ng Diyos sa mundo ay libu-libong taon na ang nakararaan. Naparito Siya sa lupa upang isagawa ang di-masukat na laki ng gawain, at ganap Niyang naranasan ang pagtanggi at paninirang-puri ng mundo ng tao. Walang sinuman ang sumasalubong sa pagdating ng Diyos; malamig ang pagbati sa Kanya. Sa paglipas ng ilang libong taon ng paghihirap, matagal na panahon nang sinusugatan ng pag-uugali ng tao ang puso ng Diyos. Hindi na Niya pinapansin ang paghihimagsik ng mga tao, at sa halip ay gumawa na ng isa pang plano upang baguhin at dalisayin ang tao. Ang pang-uuyam, paninirang-puri, pag-uusig, kapighatian, ang pagdurusa ng pagpapapako sa krus, ang pagtatakwil ng tao, at iba pa na naranasan ng Diyos sa katawang-tao: sapat na ang mga natikman ng Diyos na tulad nito, at kung mga paghihirap sa mundo ng mga tao ang pag-uusapan, ang Diyos na nagkatawang-tao ay lubusang nagdusa ng lahat ng ito. Matagal na panahon na ang nakalipas na ang gayong tanawin ay hindi matiis ng Espiritu ng Diyos Ama at hinihintay Niya ang pagbabalik ng Kanyang minamahal na Anak na may ulong nakatingala at nakapikit na mga mata. Ang tanging ninanais Niya ay makinig at sumunod ang sangkatauhan, at hindi maghimagsik laban sa Kanya matapos makaramdam ng sukdulang kahihiyan sa harap ng Kanyang katawang-tao. Ang tanging ninanais Niya ay na ang mga tao ay maniwala na mayroong Diyos. Matagal na Siyang tumigil sa paghingi ng mas malaki sa tao sapagkat masyadong mataas na halaga na ang naibayad ng Diyos, gayunman ang tao ay maginhawang nagpapahinga,[1] at hindi man lamang isinasapuso ang gawain ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 4

Talababa:

1. Ang “maginhawang nagpapahinga” ay nagpapahiwatig na ang mga tao ay walang malasakit tungkol sa gawain ng Diyos at hindi ito tinitingnan bilang mahalaga.


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 193

Nang, sa Kapanahunan ng Biyaya, bumalik ang Diyos sa ikatlong langit, sa katunaya’y nakasulong na sa huling bahagi nito ang gawain ng pagtubos ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang tanging natira na lamang sa lupa ay ang krus na pinasan ni Jesus sa Kanyang likuran, ang pinong lino na ibinalot kay Jesus, at ang koronang tinik at matingkad na pulang balabal na isinuot ni Jesus (ito ang mga bagay na ginamit nang tuyain Siya ng mga Hudyo). Ibig sabihin, matapos magdulot ng matinding damdamin ang gawain ng pagpapapako sa krus ni Jesus, muling huminahon ang mga bagay-bagay. Mula noon, nagsimulang ipagpatuloy ng mga disipulo ni Jesus ang gawain Niya, nagpapastol at nagdidilig sa mga simbahan sa lahat ng dako. Ang mga sumusunod ang nilalaman ng kanilang gawain: Hiniling nila sa lahat ng tao na magsisi, ikumpisal ang kanilang mga kasalanan, at magpabautismo; at humayo ang lahat ng apostol upang ipalaganap ang totoong kuwento, ang di-barnisadong salaysay, ng pagpapapako sa krus ni Jesus, at kaya hindi napigilan ng lahat na magpatirapa sa harap ni Jesus upang ikumpisal ang kanilang mga kasalanan; at bukod diyan, humayo ang mga apostol sa lahat ng dako na hatid ang mga salitang binigkas ni Jesus. Nagsimula sa puntong iyon ang pagtatayo ng mga simbahan sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang ginawa ni Jesus sa kapanahunang iyon ay upang magsalita rin tungkol sa buhay ng tao at kalooban ng Ama sa langit, lamang, dahil ibang kapanahunan ito, malaki ang pagkakaiba ng marami sa mga kasabihan at mga pagsasagawang iyon kaysa sa ngayon. Gayunpaman, magkapareho sa diwa ang mga ito: Ang mga ito ay kapwa gawain ng Espiritu ng Diyos sa katawang-tao, mismo at eksakto. Nagpatuloy hanggang sa ngayon ang ganitong uri ng gawain at pagbigkas, kaya ibinabahagi pa rin sa mga institusyong panrelihiyon ngayon ang ganitong uri ng bagay, at lubos na hindi nabago. Nang matapos ang gawain ni Jesus at nasa tamang landas na ni Jesucristo ang mga simbahan, gayunma’y pinasimulan ng Diyos ang Kanyang plano para sa isa pang yugto ng Kanyang gawain, na tungkol sa pagkakatawang-tao Niya sa mga huling araw. Sa paningin ng tao, ang pagpapapako sa krus ng Diyos ay tumapos sa gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos, tumubos sa buong sangkatauhan, at nagtulot sa Kanyang agawin ang susi sa Hades. Iniisip ng lahat na ang gawain ng Diyos ay ganap nang natupad. Sa katunayan, mula sa pananaw ng Diyos, maliit lamang na bahagi ng Kanyang gawain ang natupad na. Tanging pagtubos sa sangkatauhan ang ginawa Niya; hindi pa Niya nalulupig ang sangkatauhan, lalo nang hindi pa Niya nababago ang satanikong mukha ng tao. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabi ng Diyos, “Bagaman dumanas ng kirot ng kamatayan ang Aking katawang-tao, hindi iyon ang buong layunin ng Aking pagkakatawang-tao. Si Jesus ang pinakamamahal Kong Anak at ipinako sa krus para sa Akin, nguni’t hindi Niya ganap na tinapos ang Aking gawain. Ginawa Niya lamang ang isang bahagi nito.” Kaya pinasimulan ng Diyos ang ikalawang yugto ng mga plano upang ipagpatuloy ang gawain ng pagkakatawang-tao. Ang gawing perpekto at makamit ang lahat ng taong nasagip mula sa mga kamay ni Satanas ang pinakasukdulang intensyon ng Diyos, kung kaya naghanda ang Diyos na minsan pang suungin ang panganib ng pagkakatawang-tao. Tumutukoy sa Isa na hindi naghahatid ng kaluwalhatian ang kahulugan ng “pagkakatawang-tao” (dahil hindi pa tapos ang gawain ng Diyos), subali’t nagpapakita sa pagkakakilanlan ng pinakamamahal na Anak, at ang Cristo, na labis na kinalulugdan ng Diyos. Kaya nga ito ay sinasabing “pagsuong sa panganib.” Ang katawang-tao ay may katiting na kapangyarihan at dapat lubusang mag-ingat,[1] at malayung-malayo sa awtoridad ng Ama sa langit ang Kanyang kapangyarihan; tinutupad lamang Niya ang ministeryo ng katawang-tao, isinasakatuparan ang gawain ng Diyos Ama at ang Kanyang tagubilin nang hindi nasasangkot sa ibang gawain, at isinasakatuparan lamang Niya ang isang bahagi ng gawain. Kaya nga kaagad na pinangalanang “Cristo” ang Diyos nang pumarito Siya sa mundo—iyon ang nakapaloob na kahulugan sa pangalang iyon. Kaya sinasabi na may kasamang mga tukso ang pagparito ay dahil isang piraso lamang ng gawain ang isinasakatuparan. Bukod diyan, ang dahilan kaya tinatawag lamang Siya ng Diyos Ama na “Cristo” at “pinakamamahal na Anak,” subali’t hindi naipagkaloob sa Kanya ang lahat ng kaluwalhatian ay tiyak na dahil ang nagkatawang-tao ay pumaparito upang gawin ang isang piraso ng gawain, hindi upang kumatawan sa Ama sa langit, bagkus ay upang tuparin ang ministeryo ng pinakamamahal na Anak. Kapag nakumpleto ng pinakamamahal na Anak ang buong tagubiling tinanggap Niya sa Kanyang mga balikat, pagkakalooban na Siya ng Ama ng buong kaluwalhatian kasama ang pagkakakilanlan ng Ama. Masasabing ito ang “kodigo ng langit.” Dahil ang Isa na nagkatawang-tao at ang Ama sa langit ay nasa dalawang magkaibang dako, minamasadan lamang ng dalawa ang isa’t isa sa Espiritu, sinusubaybayan ng Ama ang pinakamamahal na Anak nguni’t hindi nagagawang makita ng Anak ang Ama mula sa malayo. Sapagka’t ang mga gawain kung saan may kakayahan ang laman ay masyadong kaunti at maaari Siyang mapatay anumang sandali, kaya masasabi na may kasamang pinakamalaking panganib ang pagparito na ito. Katumbas ito ng muling pagpapaubaya ng Diyos sa Kanyang pinakamamahal na Anak sa bunganga ng tigre, kung saan ang Kanyang buhay ay nasa panganib, inilalagay Siya kung saan pinakanakatuon si Satanas. Kahit sa gayong kahila-hilakbot na mga pangyayari, isinuko pa rin ng Diyos ang Kanyang pinakamamahal na Anak sa mga tao ng isang lugar na puno ng karumihan at kahalayan para kanilang “palakihin Siya hanggang sa hustong gulang.” Dahil iyon ang tanging paraan upang pagmukhain ang gawain ng Diyos na angkop at natural, at ito ang tanging paraan upang tuparin ang lahat ng inaasam ng Diyos Ama at isakatuparan ang huling bahagi ng Kanyang gawain sa sangkatauhan. Isinakatuparan lamang ni Jesus ang isang yugto ng gawain ng Diyos Ama. Dahil sa hadlang na ipinataw ng katawang-tao at mga pagkakaiba sa mga gawaing dapat isakatuparan, hindi alam ni Jesus Mismo na magkakaroon ng ikalawang pagbabalik sa katawang-tao. Samakatuwid, walang tagapagpaliwanag ng Bibliya o propeta ang naglakas-loob na ipropesiya nang malinaw na muling magkakatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw, ibig sabihin, muli Siyang magkakatawang-tao upang gawin ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain sa katawang-tao. Samakatuwid, walang sinumang nakapansin na matagal nang itinago ng Diyos ang Kanyang sarili sa katawang-tao. Hindi kataka-taka, dahil tinanggap lamang ni Jesus ang tagubiling ito pagkatapos na mabuhay na mag-uli at umakyat sa langit, kaya walang malinaw na propesiya tungkol sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, at hindi ito kayang maarok ng isip ng tao. Sa lahat ng maraming aklat ng propesiya sa Bibliya, walang salita na malinaw itong binabanggit. Subali’t nang naparito si Jesus upang gumawa, mayroon nang malinaw na propesiya na nagsasabing magdadalang-tao ang isang birhen, at magluluwal ng isang anak na lalaki, na nangangahulugang ipinaglihi Siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Gayunpaman, sinabi pa rin ng Diyos na nangyari ito nang may panganib ng kamatayan, kaya’t gaano pa kaya ito higit na mapanganib ngayon? Hindi kataka-takang sinasabi ng Diyos na ang pagkakatawang-taong ito ay mas mapanganib nang libu-libong beses kaysa noong Kapanahunan ng Biyaya. Sa maraming lugar, ipinropesiya na ng Diyos na magkakamit Siya ng isang grupo ng mga mananagumpay sa lupain ng Sinim. Dahil sa Silangan ng mundo makakamit ang mga mananagumpay, kaya walang duda na sa lupain ng Sinim tatapak ang Diyos sa Kanyang ikalawang pagkakatawang-tao, sa mismong lugar kung saan namamalaging nakapulupot ang malaking pulang dragon. Doon, makakamit ng Diyos ang mga inapo ng malaking pulang dragon upang ito ay lubusang matalo at mapahiya. Gigisingin ng Diyos ang mga taong ito, na labis na pinabibigatan ng pagdurusa, upang gisingin sila hanggang sila’y maging lubos na gising, at upang palakarin silang palabas ng hamog at tanggihan ang malaking pulang dragon. Gigising sila mula sa kanilang panaginip, makikilala ang diwa ng malaking pulang dragon, magagawang ibigay ang kanilang buong puso sa Diyos, aahon mula sa pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman, tumayo sa Silangan ng mundo, at maging patunay ng tagumpay ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang makakamit ng Diyos ang kaluwalhatian. Ito ang tanging dahilan kaya dinala ng Diyos ang gawaing natapos sa Israel sa lupain kung saan namamalaging nakapulupot ang malaking pulang dragon at, halos dalawang libong taon pagkatapos lumisan, ay muling nagkatawang-tao upang ipagpatuloy ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Sa mga mata mismo ng tao, naglulunsad ang Diyos ng bagong gawain sa katawang-tao. Nguni’t sa pananaw ng Diyos, ipinagpapatuloy Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, na may pagitan lamang na ilang libong taon, at may pagbabago lamang sa lokasyon at sa programa ng Kanyang gawain. Kahit na ang imahe ng katawang-taong ginamit sa gawain ngayon ay waring ganap na naiiba kaysa kay Jesus, nagbubuhat Sila sa parehong diwa at ugat, at mula Sila sa parehong pinagmulan. Marahil ay marami Silang panlabas na mga pagkakaiba, nguni’t ang panloob na mga katotohanan ng Kanilang gawain ay ganap na magkapareho. Ang mga kapanahunan, pagkatapos ng lahat, ay magkaibang gaya ng gabi at araw. Kaya’t paano susundin ng gawain ng Diyos ang isang di-nagbabagong huwaran? O paano makasasagabal sa isa’t isa ang magkakaibang yugto ng Kanyang gawain?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 6

Talababa:

1. Ang “ay may katiting na kapangyarihan at dapat lubusang mag-ingat” ay nagpapahiwatig na napakarami ng mga paghihirap ng katawang-tao, at masyadong limitado ang gawaing nagawa.


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 194

Ngayon lamang natanto ng tao na hindi lamang ang panustos ng espirituwal na buhay at karanasan sa pagkilala sa Diyos ang kulang sa tao, kundi—ang mas mahalaga pa—ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon. Dahil sa lubos na kamangmangan ng tao tungkol sa kasaysayan at sinaunang kultura ng kanyang sariling lahi, wala man lamang sila ni katiting na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos. Umaasa ang lahat ng tao na maaaring iugnay ang tao sa Diyos sa kaibuturan ng kanyang puso, ngunit dahil masyadong tiwali ang laman ng tao, kapwa manhid at mapurol ang utak, naging dahilan ito upang mawalan siya ng kahit anong kaalaman tungkol sa Diyos. Sa pagparito sa tao ngayon, ang layunin ng Diyos ay walang iba kundi baguhin ang mga iniisip at espiritu ng mga tao, pati na ang larawan ng Diyos sa kanilang puso na milyun-milyong taon na nilang taglay sa kanilang puso. Gagamitin Niya ang pagkakataong ito upang gawing perpekto ang tao. Ibig sabihin, sa pamamagitan ng kaalaman ng tao, babaguhin Niya ang paraan ng pagkilala ng mga tao sa Kanya at ang kanilang saloobin sa Kanya, na magbibigay ng kakayahan sa tao na gumawa ng isang matagumpay na bagong simula sa pagkilala sa Diyos, at magkamit ng paninibago at pagbabago ng espiritu ng tao. Pakikitungo at pagdidisiplina ang mga paraan, samantalang ang paglupig at pagpapanibago ang mga layunin. Ang pagwawaksi sa mapamahiing mga kaisipang taglay ng tao tungkol sa malabong Diyos ang layon ng Diyos noon pa man, at nitong huli ay naging isa ring agarang bagay para sa Kanya. Sana’y pag-isipan pang mabuti ng lahat ng tao ang mangyayari sa sitwasyong ito sa hinaharap. Baguhin ang paraan ng pagdanas ng bawat tao upang maisakatuparan ang agarang layuning ito ng Diyos sa lalong madaling panahon at ganap na matapos ang huling yugto ng gawain ng Diyos sa lupa. Ibigay sa Diyos ang katapatang nararapat ninyong ibigay sa Kanya, at sa huling pagkakataon ay maghatid ng ginhawa sa puso ng Diyos. Sa mga kapatid, sana’y walang umiwas sa responsibilidad na ito, o tapusin na lamang ito nang pakunwari. Pumaparito ang Diyos sa katawang-tao sa pagkakataong ito bilang sagot sa isang paanyaya, at tuwirang pagtugon sa kalagayan ng tao. Ibig sabihin, pumaparito Siya upang tustusan ang tao ng kanyang mga pangangailangan. Anuman ang kakayahan o naging paglaki ng tao, bibigyang-kakayahan Niya siya, sa madaling sabi, na makita niya ang salita ng Diyos at, mula sa Kanyang salita, makita niya ang pag-iral at pagpapakita ng Diyos at tanggapin niya ang pagpeperpekto ng Diyos sa kanya, na binabago ang mga kaisipan at kuru-kuro ng tao upang matatag na mag-ugat ang tunay na mukha ng Diyos sa kaibuturan ng puso ng tao. Ito lamang ang inaasam ng Diyos sa lupa. Gaano man kadakila ang likas na pagkatao ng tao, o gaano man kahina ang diwa ng tao, o kung ano talaga ang pag-uugali ng tao noong araw, hindi pinapansin ng Diyos ang mga ito. Inaasahan lamang Niya na ganap na panibaguhin ng tao ang larawan ng Diyos na nasa kaibuturan ng kanyang puso at malaman ang diwa ng sangkatauhan, at sa gayon ay mabago ang ideolohikal na pananaw ng tao, at masabik siya sa Diyos mula sa kaibuturan at magising sa walang-hanggang pagkakaugnay sa Kanya: Ito ang kaisa-isang hinihiling ng Diyos sa tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 7

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 195

Nasabi Ko na nang maraming beses na ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ginagawa upang baguhin ang espiritu ng bawat tao, upang baguhin ang kaluluwa ng bawat tao, nang sa gayon ang kanilang puso, na nagdusa na ng matinding pinsala, ay mabago, sa gayon ay masagip ang kanilang kaluluwa, na matindi nang napinsala ng kasamaan: ito ay upang gisingin ang espiritu ng mga tao, upang tunawin ang kanilang malamig na mga puso, at tulutan silang mapasigla muli. Ito ang pinakadakilang kalooban ng Diyos. Isantabi ang usapin tungkol sa kung gaano katayog o kalalim ang buhay at mga karanasan ng tao; kapag nagising na ang puso ng mga tao, kapag nagising na sila mula sa kanilang mga panaginip at nalaman nang husto ang pinsalang idinulot ng malaking pulang dragon, natapos na ang gawain ng ministeryo ng Diyos. Ang araw na tapos na ang gawain ng Diyos ay ang araw rin kung kailan opisyal nang nagsisimula ang tao sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos. Sa panahong ito, dumating na sa katapusan ang ministeryo ng Diyos: Ganap nang natapos ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, at opisyal nang magsisimula ang tao na gampanan ang tungkulin na nararapat niyang gampanan—gagampanan niya ang kanyang ministeryo. Ang mga ito ang mga hakbang ng gawain ng Diyos. Kaya, dapat kayong mangapa para sa inyong landas sa pagpasok mula sa pundasyon ng pagkaalam ng mga bagay na ito. Ang lahat ng ito ang dapat ninyong maunawaan. Mapapabuti lamang ang pagpasok ng tao kapag ang mga pagbabago ay nangyari na sa kaibuturan ng kanyang puso, sapagka’t ang gawain ng Diyos ang ganap na kaligtasan ng tao—ang tao na natubos, na namumuhay pa rin sa ilalim ng mga puwersa ng kadiliman, at hindi pa kailanman ginising ang sarili niya—mula sa lugar na ito na pinagtitipunan ng mga demonyo; ito ay upang ang tao ay maaaring mapalaya mula sa libu-libong taon ng kasalanan, at maging mga iniibig ng Diyos, ganap na pinababagsak ang malaking pulang dragon, itinatatag ang kaharian ng Diyos, at pinagpapahinga ang puso ng Diyos nang mas maaga; ito ay upang mailabas, nang walang pasubali, ang galit na lumalaki sa inyong dibdib, upang puksain yaong inaamag na mga mikrobyo, upang tulutan kayo na iwan ang buhay na ito na hindi naiiba mula sa buhay ng isang baka o kabayo, upang hindi na maging isang alipin, upang hindi na maging malayang natatapak-tapakan o inuutus-utusan ng malaking pulang dragon; hindi na kayo magiging bahagi ng nabigong bansang ito, hindi na magiging pagmamay-ari ng kasuklam-suklam na malaking pulang dragon, at hindi na kayo maaalipin nito. Ang pugad ng mga demonyo ay tiyak na luluray-lurayin ng Diyos, at kayo ay tatayo sa tabi ng Diyos—kayo ay pagmamay-ari ng Diyos, at hindi nabibilang sa imperyong ito ng mga alipin. Matagal nang kinasuklaman ng Diyos ang madilim na lipunang ito hanggang sa Kanya mismong mga buto. Nagngangalit ang Kanyang mga ngipin, sabik Siyang mariing tapakan ang masama at kasuklam-suklam na matandang ahas na ito, nang sa gayon hindi na ito maaaring bumangon pang muli, at hindi na kailanman muling aabusuhin ang tao; hindi Niya patatawarin ang mga kilos nito sa nakaraan, hindi Niya titiisin ang panlilinlang nito sa tao, at pagbabayarin Niya ito para sa bawat kasalanan nito sa mga nagdaang kapanahunan. Hindi hahayaan ng Diyos ni katiting na mawalan ng pananagutan ang pasimunong ito ng lahat ng kasamaan,[1] lubos Niya itong wawasakin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8

Talababa:

1. Ang “pasimunong ito ng lahat ng kasamaan” ay tumutukoy sa matandang diyablo. Ang pariralang ito ay nagpapahayag ng sukdulang pagkamuhi.


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 196

Maraming gabi na walang tulog ang tiniis ng Diyos para sa kapakanan ng gawain ng sangkatauhan. Mula sa kaitaasan hanggang sa pinakamababang kalaliman, bumaba na Siya sa buhay na impiyerno kung saan ang tao ay nabubuhay upang gugulin ang Kanyang mga araw kasama ang tao, hindi Siya kailanman nagreklamo sa panlilimahid ng tao, at hindi Niya kailanman sinisi ang tao dahil sa kanyang pagsuway, kundi tinitiis ang pinakamatinding kahihiyan habang personal Niyang isinasakatuparan ang Kanyang gawain. Paano kayang ang Diyos ay mabibilang sa impiyerno? Paano Niya magugugol ang Kanyang buhay sa impiyerno? Nguni’t para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, nang sa gayon ang buong sangkatauhan ay makasumpong ng kapahingahan sa mas lalong madaling panahon, tiniis Niya ang kahihiyan at nagdusa ng kawalang-katarungan upang makaparito sa lupa, at personal na pumasok sa “impiyerno” at “Hades,” sa yungib ng tigre, upang iligtas ang tao. Paanong kwalipikado ang tao na labanan ang Diyos? Anong dahilan ang mayroon siya upang magreklamo tungkol sa Diyos? Paano siya nagkakaroon ng lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Dumating sa pinakamaruming lupain ng kasamaan na ito ang Diyos ng langit, at hindi kailanman ibinulalas ang Kanyang mga hinaing, o nagreklamo tungkol sa tao, bagkus ay tahimik na tinatanggap ang mga pamiminsala[1] at pang-aapi ng tao. Hindi Siya kailanman gumanti sa di-makatwirang mga hinihingi ng tao, hindi Siya kailanman humingi nang labis sa tao, at hindi Siya kailanman gumawa ng di-makatwirang mga paghingi sa tao; ginagawa lamang Niya ang lahat ng gawain na kinakailangan ng tao nang walang reklamo: pagtuturo, pagliliwanag, pagsaway, pagpipino ng mga salita, pagpapaalala, panghihikayat, pang-aaliw, paghatol at paghahayag. Alin sa Kanyang mga hakbang ang hindi naging para sa buhay ng tao? Kahit naalis na Niya ang mga inaasam-asam at kapalaran ng tao, alin sa mga hakbang na isinakatuparan ng Diyos ang hindi para sa kapalaran ng tao? Alin sa mga iyon ang hindi para sa kapakanan ng pananatiling buhay ng tao? Alin sa mga iyon ang hindi para palayain ang tao mula sa paghihirap na ito at mula sa pang-aapi ng mga pwersa ng kadiliman na kasing-itim ng gabi? Alin sa mga iyon ang hindi para sa kapakanan ng tao? Sino ang maaaring makaunawa sa puso ng Diyos, na tulad ng sa isang mapagmahal na ina? Sino ang maaaring makaunawa sa sabik na puso ng Diyos? Ang masintahing puso ng Diyos at marubdob na mga pag-asam ay sinuklian ng malalamig na pakikitungo, ng mga matang walang pakiramdam at walang-pakialam, at ng paulit-ulit na mga pagsaway at mga pang-iinsulto ng tao; sinuklian ang mga iyon ng masasakit na mga salita, at pambabara, at pangmamaliit; sinuklian ang mga iyon ng panlilibak ng tao, ng kanyang pangyuyurak at pagtanggi, ng kanyang hindi tamang pagkaunawa, at pagdaing, at paghiwalay, at pag-iwas, at ng walang anuman kundi panlilinlang, pag-atake, at kapaitan. Ang magigiliw na salita ay sinalubong ng mababangis na mukha at ng malamig na pagsuway ng isang libong sumasaway na mga daliri. Walang magagawa ang Diyos kundi magtiis, nakayuko ang ulo, pinagsisilbihan ang mga tao na parang maamong baka.[2] Napakaraming araw at buwan, napakaraming beses Niyang nakaharap ang mga bituin, napakaraming beses Siyang umalis nang madaling-araw at bumalik nang dapit-hapon, at nagpabaling-baling, tinitiis ang matinding paghihirap na mas matindi ng isang libong beses kaysa sa sakit ng Kanyang pag-alis mula sa Kanyang Ama, tinitiis ang mga pag-atake at pananakit ng tao, at ang pakikitungo at pagtatabas ng tao. Sinuklian ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Diyos ng pagkiling[3] ng tao, ng di-makatarungang mga pananaw at pakikitungo ng tao, at ang tahimik na paraan ng paggawa ng Diyos nang walang pagkilala, ang Kanyang pagtitiis, at Kanyang pagpaparaya ay sinuklian ng sakim na titig ng tao; sinusubukan ng tao na tadyakan ang Diyos hanggang mamatay, nang walang pagsisisi, at sinusubukang yurakan sa lupa ang Diyos. Ang saloobin ng tao sa kanyang pakikitungo sa Diyos ay isa ng “bihirang katalinuhan,” at ang Diyos, na inaapi at hinahamak ng tao, ay durog na sa mga paa ng sampu-sampung libong tao habang ang tao mismo ay nakatayo nang tuwid, na para bang siya ang mamumuno, na para bang nais niyang kunin ang lubos na kapangyarihan,[4] na humarap sa mga tao mula sa likod ng isang tabing, na gawin ang Diyos na matapat at masunurin sa panuntunan na direktor sa likod ng mga eksena, na hindi pinahihintulutang lumaban o magsanhi ng problema. Dapat gampanan ng Diyos ang bahagi ng Huling Emperador, dapat Siyang maging isang sunud-sunuran,[5] wala ng lahat ng kalayaan. Hindi maikukuwento ang mga gawa ng tao, kaya paano siya naging karapat-dapat na humingi ng ganito o ganoon sa Diyos? Paano siya naging kwalipikadong magbigay ng mga mungkahi sa Diyos? Paano siya naging kwalipikado na humingi sa Diyos na dumamay sa kanyang mga kahinaan? Paano siya naging angkop na tumanggap ng awa ng Diyos? Paano siya naging angkop na tumanggap ng kadakilaan ng Diyos nang paulit-ulit? Paano siya naging angkop na tumanggap ng kapatawaran ng Diyos nang paulit-ulit? Nasaan ang kanyang budhi? Matagal na niyang dinurog ang puso ng Diyos, matagal na niyang iniwan ang puso ng Diyos na durug-durog. Dumating ang Diyos sa gitna ng tao na puno ng pag-asa at masaya, umaasa na ang tao ay magiging mabait sa Kanya, kahit na may kaunti lamang na pagkagiliw. Nguni’t ang puso ng Diyos ay hindi gaanong maaliw ng tao, ang tanging natanggap Niya ay palaki nang palaking[6] mga pag-atake at pagpapahirap. Masyadong sakim ang puso ng tao, masyadong malaki ang kanyang pagnanasa, hindi siya kailanman masisiyahan, lagi siyang maloko at walang patumangga, hindi niya kailanman binibigyan ng anumang kalayaan o karapatang magsalita ang Diyos, at iniiwan ang Diyos na walang pagpipilian liban sa tiisin ang kahihiyan, at hayaan ang tao na manipulahin Siya kung paano man niya gusto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 9

Mga Talababa:

1. Ang “mga pamiminsala” ay ginagamit upang ilantad ang pagsuway ng sangkatauhan.

2. Ang “sinalubong ng mababangis na mukha at ng malamig na pagsuway ng isang libong sumasaway na mga daliri, nakayuko ang ulo, pinagsisilbihan ang mga tao na parang maamong baka” ay orihinal na iisang pangungusap, pero dito ay hinati sa dalawa upang mapalinaw ang mga bagay-bagay. Ang unang bahagi ng pangungusap ay tumutukoy sa mga pagkilos ng tao, samantalang ang ikalawa ay ipinahihiwatig ang pagdurusang dinanas ng Diyos, at na ang Diyos ay mapagpakumbaba at natatago.

3. Ang “pagkiling” ay tumutukoy sa suwail na pag-uugali ng mga tao.

4. Ang “kunin ang lubos na kapangyarihan” ay tumutukoy sa suwail na pag-uugali ng mga tao. Itinataas nila ang kanilang sarili, tinatanikalaan ang iba, pinasusunod sa kanila at pinagdurusa para sa kanila. Sila ang mga puwersang kumakalaban sa Diyos.

5. Ang “sunud-sunuran” ay ginagamit para tuyain yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos.

6. Ang “palaki nang palaking” ay ginagamit para bigyang-diin ang hamak na pag-uugali ng mga tao.


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 197

Nagulantang na ng pagkakatawang-tao ng Diyos ang lahat ng relihiyon at mga sektor, “nagulo” na nito ang orihinal na kaayusan ng mga pangkat ng relihiyon, at niyanig na nito ang mga puso ng lahat niyaong nananabik para sa pagpapakita ng Diyos. Sino ang hindi sumasamba? Sino ang hindi nananabik na makita ang Diyos? Maraming taon nang personal na nakasama ng Diyos ang tao, nguni’t hindi ito kailanman napagtanto ng tao. Ngayon, nagpakita na ang Diyos Mismo, at ipinakita ang Kanyang pagkakakilanlan sa masa—paanong hindi ito magdadala ng kaluguran sa puso ng tao? Minsa’y nakibahagi ang Diyos sa mga kagalakan at kalungkutan ng tao, at ngayon muli na Niyang nakasama ang sangkatauhan, at nagbabahagi sa kanya ng mga kuwento ng mga panahong lumipas. Pagkatapos Niyang umalis sa Judea, wala nang makitang bakas Niya ang mga tao. Naghahangad sila na minsan pang makita ang Diyos, nang hindi nalalaman na muli na nila Siyang nakatagpo ngayon, at muli na Siyang nakasama. Paanong hindi nito mapupukaw ang mga saloobin ng kahapon? Dalawang libong taon na ang nakakaraan ngayon, nakita ni Simon Bar-Jonas, ang inapo ng mga Hudyo, si Jesus na Tagapagligtas, nakisalo siya sa parehong mesa sa Kanya, at pagkatapos ng pagsunod sa Kanya sa loob ng maraming taon ay nakadama ng mas malalim na pagmamahal para sa Kanya: Minahal niya Siya mula sa kaibuturan ng kanyang puso; matindi niyang inibig ang Panginoong Jesus. Walang alam ang mga taong Hudyo kung paanong ang may ginintuang buhok na sanggol na ito, na ipinanganak sa isang maginaw na sabsaban, ang unang larawan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Inisip nilang lahat na Siya ay katulad lamang nila, walang sinumang nag-isip na Siya ay iba—paano makikilala ng mga tao ang karaniwan at ordinaryong Jesus na ito? Inisip ng mga taong Hudyo na Siya ay isang Hudyong anak ng mga kapanahunan. Walang sinuman ang tumingin sa Kanya bilang isang kaibig-ibig na Diyos, at walang ginawa ang mga tao kundi humingi nang humingi sa Kanya, humihiling na bigyan Niya sila ng mayaman at saganang mga biyaya, at kapayapaan, at kagalakan. Ang alam lamang nila ay, tulad ng isang milyonaryo, mayroon Siya ng lahat ng bagay na kailanman ay maaaring naisin ng isa. Nguni’t hindi Siya kailanman itinuring ng mga tao bilang isa na minamahal; hindi Siya minahal ng mga tao ng panahong iyon, at tumutol lamang sa Kanya, at gumawa ng mga di-makatwirang paghingi sa Kanya. Hindi Siya kailanman lumaban, kundi ay patuloy na nagbigay ng mga biyaya sa tao, kahit na hindi Siya kilala ng tao. Wala Siyang ginawa kundi tahimik na magpadama sa tao ng init, pag-ibig, at awa, at higit pa, binigyan Niya ang tao ng bagong paraan ng pagsasagawa, inaakay ang tao palabas sa mga gapos ng batas. Hindi Siya minahal ng tao, nainggit lamang ito sa Kanya at kinilala ang Kanyang pambihirang mga talento. Paano malalaman ng bulag na sangkatauhan kung gaano katinding kahihiyan ang pinagdusahan ng kaibig-ibig na si Jesus na Tagapagligtas nang dumating Siya sa gitna ng sangkatauhan? Walang sinuman ang nagsaalang-alang ng Kanyang pagkabalisa, walang nakaalam ng pagmamahal Niya sa Diyos Ama, at walang sinuman ang maaaring makaalam ng Kanyang kalungkutan; kahit na si Maria ang Kanyang nagluwal na ina, paano niya malalaman ang mga saloobin sa puso ng mahabaging Panginoong Jesus? Sino ang nakaalam tungkol sa di-mabigkas na paghihirap na tiniis ng Anak ng tao? Pagkatapos na humingi nang humingi sa Kanya, kinalimutan na Siya ng mga tao ng panahong iyon, at pinalayas Siya. Kaya nagpagala-gala Siya sa mga kalye, araw-araw, taun-taon, nagpalaboy-laboy sa loob ng maraming taon hanggang Siya ay nabuhay na sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon ng paghihirap, mga taon na naging kapwa mahaba at maikli. Kapag kailangan Siya ng mga tao, Siya ay iniimbitahan nila sa kanilang mga tahanan nang nakangiti, sinusubukang manghingi sa Kanya—at pagkatapos Niyang nakapagbigay na sa kanila, kaagad nila Siyang itinutulak palabas ng pinto. Kinain ng tao kung ano ang ipinagkaloob mula sa Kanyang bibig, ininom nila ang Kanyang dugo, nagpakasaya sila sa mga biyaya na ipinagkaloob Niya sa kanila, gayunma’y sinalungat pa rin nila Siya, dahil hindi nila kailanman nalaman kung sino ang nagbigay sa kanila ng kanilang mga buhay. Sa huli, ipinako nila Siya sa krus, gayunma’y wala pa rin Siyang imik. Kahit ngayon, nananatili Siyang tahimik. Kinakain ng mga tao ang Kanyang laman, iniinom ang Kanyang dugo, kinakain nila ang pagkain na inihahanda Niya para sa kanila, at nilalakaran nila ang daang binuksan Niya para sa kanila, subalit balak pa rin nilang tanggihan Siya; sa katunayan itinuturing nila ang Diyos na nagbigay sa kanila ng kanilang mga buhay bilang kaaway, at sa halip itinuturing yaong mga aliping tulad lamang nila bilang ang Ama sa langit. Sa ganito, hindi ba nila sinasadyang salungatin Siya? Paano dumating si Jesus para mamatay sa krus? Alam ba ninyo? Hindi ba Siya ipinagkanulo ni Judas, na siyang pinakamalapit sa Kanya at kumain sa Kanya, uminom sa Kanya, at kinawilihan Siya? Hindi ba ipinagkanulo ni Judas si Jesus dahil isa lamang Siyang hamak at normal na guro? Kung talagang nakita ng mga tao na si Jesus ay hindi pangkaraniwan, at Isa na mula sa langit, paano nila Siya naipako nang buhay sa krus sa loob ng dalawampu’t apat na oras, hanggang sa wala na Siyang hiningang naiwan sa Kanyang katawan? Sino ang makakakilala sa Diyos? Walang anumang ginagawa ang mga tao kundi magpakasaya sa Diyos taglay ang walang-kabusugang kasakiman, nguni’t hindi nila kailanman Siya nakilala. Naging labis silang abusado at ginagawa nilang ganap na masunurin si “Jesus” sa kanilang mga atas, sa kanilang mga utos. Sino ang kailanman ay nagpakita ng anumang may kaugnayan sa landas ng awa tungo sa Anak ng tao na ito, na wala man lamang mahigaan ng Kanyang ulo? Sino ang kailanman ay naisip na makipagsanib-pwersa sa Kanya upang tuparin ang tagubilin ng Diyos Ama? Sino ang kailanman ay nag-isip sa Kanya? Sino ang kailanman ay naging maalalahanin sa Kanyang mga paghihirap? Nang wala kahit bahagyang pag-ibig, hinihila Siya ng tao paroo’t parito; hindi alam ng tao kung saan nanggaling ang kanyang liwanag at buhay, at walang anumang ginagawa kundi planuhin nang palihim kung paano minsan pang ipapako si “Jesus” ng dalawang libong taong nakalipas, na nakaranas na ng sakit sa gitna ng tao. Talaga bang pumupukaw si “Jesus” ng gayong poot? Lahat ba ng ginawa Niya ay matagal nang nakalimutan? Ang poot na nabuo sa loob ng libu-libong taon ay sasabog na sa wakas. Kayong kauri ng mga Hudyo! Kailan ba naging masama sa inyo si “Jesus,” na dapat ninyo Siyang kapootan nang sobra? Napakarami na ng Kanyang nagawa, at napakarami na Siyang nasalita—wala ba sa mga ito ang may benepisyo sa inyo? Naibigay na Niya ang Kanyang buhay sa inyo nang hindi humihingi ng anumang kapalit, naibigay na Niya ang Kanyang kabuuan sa inyo—talaga bang nais pa rin ninyong kainin Siya nang buhay? Naibigay na Niya ang Kanyang lahat sa inyo nang walang itinitirang anuman, nang hindi kailanman tinatamasa ang makamundong kaluwalhatian, ang pagkagiliw sa gitna ng tao, ang pag-ibig sa gitna ng tao, o ang lahat ng pagpapala sa gitna ng tao. Masyadong malupit ang mga tao sa Kanya, hindi Siya kailanman nagtamasa ng lahat ng kayamanan sa lupa, iniuukol Niya ang kabuuan ng Kanyang taos at magiliw na puso sa tao, naiukol na Niya ang Kanyang kabuuan sa sangkatauhan—at sino ang kailanman ay nagpadama na sa Kanya ng pagkagiliw? Sino ang kailanman ay nakapagdulot na sa Kanya ng kaaliwan? Naidagan na ng tao ang lahat ng pabigat sa Kanya, naipasa na niya ang lahat ng kasawian sa Kanya, naipilit na niya ang pinakasawing mga karanasan ng tao sa Kanya, isinisisi niya sa Kanya ang lahat ng kawalang-katarungan, at walang-imik na Niya itong tinanggap. Nagreklamo na ba Siya kailanman sa sinuman? Naningil na ba Siya kahit kailan ng kahit maliit na kabayaran mula sa sinuman? Sino ang kahit kailan ay nagpadama na sa Kanya ng anumang pagdamay? Bilang normal na mga tao, sino sa inyo ang hindi nagkaroon ng isang romantikong pagkabata? Sino ang hindi nagkaroon ng isang makulay na kabataan? Sino ang hindi kinagigiliwan ng mga mahal sa buhay? Sino ang hindi minamahal ng mga kamag-anak at mga kaibigan? Sino ang hindi iginagalang ng iba? Sino ang hindi kinagigiliwan ng pamilya? Sino ang hindi palagay ang loob sa kanilang mga pinagkakatiwalaan? At kahit kailan ba ay natamasa na Niya ang alinman sa mga ito? Sino ang kahit kailan ay naging magiliw na sa Kanya? Sino ang kahit kailan ay nagpadama na sa Kanya ng kahit kaunting kaaliwan? Sino ang kahit kailan ay nagpakita na ng kaunting kabutihang-asal sa Kanya? Sino ang kahit kailan ay nagparaya na sa Kanya? Sino ang kahit kailan ay nakasama na Niya sa panahon ng kahirapan? Sino ang kahit kailan ay dumanas na ng hirap ng buhay na kasama Siya? Hindi kailanman nabawasan ng tao ang kanyang mga hinihingi sa Kanya; humihingi lamang siya sa Kanya nang wala man lamang pangingimi, na para bang, dahil sa Siya’y pumarito sa mundo ng tao, kailangan Siyang maging kanyang baka o kabayo, kanyang bilanggo, at kailangang ibigay ang Kanyang lahat-lahat sa tao; kung hindi, hindi Siya kailanman patatawarin ng tao, hindi Siya kailanman tatantanan, hindi kailanman Siya tatawaging Diyos, at hindi Siya kailanman pag-uukulan ng mataas na pagpapahalaga. Masyadong mahigpit ang saloobin ng tao sa Diyos, na para bang desidido siyang pahirapan ang Diyos hanggang mamatay, saka lamang niya luluwagan ang kanyang mga hinihingi sa Diyos; kung hindi, hindi kailanman ibababa ng tao ang mga pamantayan ng kanyang mga hinihingi sa Diyos. Paanong hindi kamumuhian ng Diyos ang taong gaya nito? Hindi ba ito ang trahedya ng kasalukuyan? Nawawala ang budhi ng tao. Palagi niyang sinasabi na susuklian niya ang pag-ibig ng Diyos, nguni’t sinusuri niya ang Diyos at pinahihirapan Siya hanggang mamatay. Hindi ba ito ang “lihim na timpla” sa kanyang pananampalataya sa Diyos, na minana mula sa kanyang mga ninuno? Walang lugar na hindi mo nakikita ang mga “Hudyo,” at ngayon ginagawa pa rin nila ang parehong gawain, ginagawa pa rin nila ang parehong gawain ng pagsalungat sa Diyos, at gayunpaman ay naniniwala na itinataas nila ang Diyos. Paano kaya makikilala ng sariling mga mata ng tao ang Diyos? Paano kayang maituturing bilang Diyos ng tao, na namumuhay sa laman, ang nagkatawang-taong Diyos na nagmula sa Espiritu? Sino sa mga tao ang maaaring makakilala sa Kanya? Nasaan ang katotohanan sa gitna ng tao? Nasaan ang tunay na pagkamakatuwiran? Sino ang may kakayahan na malaman ang disposisyon ng Diyos? Sino ang kayang makipagpaligsahan sa Diyos sa langit? Hindi na kataka-taka na, noong dumating Siya sa gitna ng tao, walang nakakilala sa Diyos, at Siya ay tinanggihan. Papaanong matitiis ng tao ang pag-iral ng Diyos? Paano niya mahahayaan na itaboy ng liwanag ang kadiliman ng mundo? Hindi ba ang lahat ng ito ay mula sa marangal na pag-uukol ng tao? Hindi ba ito ang matuwid na pagpasok ng tao? At hindi ba ang gawain ng Diyos ay nakasentro sa pagpasok ng tao? Gusto Ko na isama ninyo ang gawain ng Diyos sa pagpasok ng tao, at itatag ang isang magandang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos, at gampanan ang tungkulin na dapat magampanan ng tao sa abot ng inyong mga kakayahan. Sa ganitong paraan, darating na sa katapusan ang gawain ng Diyos, na magtatapos sa Kanyang pagtatamo ng kaluwalhatian!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 10

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 198

Ngayon, gumagawa Ako sa mga taong hinirang ng Diyos sa Tsina, upang ibunyag ang lahat ng kanilang mapaghimagsik na disposisyon at ilantad ang lahat ng kanilang kapangitan, at nagbibigay ito ng konteksto sa pagsasabi ng lahat ng kailangan Kong sabihin. Pagkatapos, kapag isinasakatuparan Ko ang susunod na hakbang ng gawain ng paglupig sa buong sansinukob, gagamitin Ko ang Aking paghatol sa inyo upang hatulan ang di-pagkamatuwid ng bawat isa sa buong sansinukob, sapagkat kayong mga tao ay ang mga kumakatawan sa mga mapaghimagsik sa sangkatauhan. Silang mga hindi bubuti ay magiging mga panghambing at mga gamit sa paglilingkod lamang, samantalang silang bubuti ay gagamitin. Bakit Ko sinasabi na silang mga hindi bubuti ay magsisilbi lamang bilang mga panghambing? Sapagkat ang Aking mga salita at gawain sa kasalukuyan ay nakatutok sa inyong mga pinagmulan, at dahil kayo ay naging mga kumakatawan at ang halimbawa ng mga mapaghimagsik sa buong sangkatauhan. Kalaunan, dadalhin Ko ang mga salitang ito na lumulupig sa inyo sa mga dayuhang bansa at gagamitin Ko ang mga ito upang lupigin ang mga tao roon, ngunit ang mga ito’y hindi mo nakakamtan. Hindi ka ba magiging panghambingan sa gayon? Ang mga tiwaling disposisyon ng buong sangkatauhan, ang mga mapaghimagsik na kilos ng tao, at ang mga pangit na larawan at mukha ng tao—lahat ng ito ay nakatala ngayon sa mga salita na ginagamit upang lupigin kayo. Gagamitin Ko sa gayon ang mga salitang ito upang lupigin ang mga tao sa bawat bansa at bawat denominasyon sapagkat kayo ang modelo, ang nauna. Gayunpaman, hindi Ko binalak na sadyang pabayaan kayo; kung ikaw ay nagkukulang sa iyong paghahabol at samakatuwid pinatutunayan mong ikaw ay di-mapapagaling, hindi ba’t ikaw ay magiging basta na lang isang gamit sa paglilingkod at isang panghambing Nasabi Ko minsan na ang Aking karunungan ay ginagamit batay sa mga pakana ni Satanas. Bakit Ko sinabi iyon? Hindi ba iyon ang katotohanan sa likod ng Aking sinasabi at ginagawa ngayon? Kung hindi ka bubuti, kung hindi ka nagagawang perpekto ngunit sa halip ay pinarurusahan, hindi ka ba magiging isang panghambingan? Maaaring nagdusa ka nang matindi sa iyong panahon, ngunit wala ka pa ring nauunawaan; ikaw ay mangmang sa lahat ng bagay tungkol sa buhay. Kahit na ikaw ay nakastigo at nahatulan na, hindi ka pa rin nagbago sa anumang paraan, at sa iyong kaibuturan, hindi ka nakatamo ng buhay. Pagdating ng panahon para subukin ang iyong gawain, makararanas ka ng isang pagsubok na kasingbangis ng apoy at higit pang matinding kapighatian. Gagawing abo ng apoy na ito ang iyong buong pagkatao. Bilang isa na hindi nagtataglay ng buhay, isa na wala ni isang onsang dalisay na ginto sa loob, isa na nakakapit pa rin sa dating tiwaling disposisyon, at isa na ni hindi man lang makagawa ng isang mahusay na trabaho bilang isang panghambing, paanong hindi ka maaalis? Mayroon bang silbi sa gawain ng paglupig ang isa na mas mababa pa ang halaga kaysa sa isang kusing, isa na hindi nagtataglay ng buhay? Kapag dumating ang panahong iyon, ang inyong mga araw ay magiging mas mahirap kaysa roon nina Noe at ng Sodoma! Ang iyong mga panalangin ay walang magagawang mabuti para sa iyo sa panahong iyon. Kapag natapos na ang gawaing pagliligtas, paano ka makakabalik kalaunan at mag-uumpisang muli na magsisi? Sa sandaling ang lahat ng gawain ng pagliligtas ay nagawa na, hindi na magkakaroon pa; ang magaganap ay ang simula ng gawain ng pagpaparusa sa mga yaon na masama. Ikaw ay lumalaban, ikaw ay naghihimagsik, at ikaw ay gumagawa ng mga bagay na alam mong masama. Hindi ba ikaw ang pinatutungkulan ng mabigat na kaparusahan? Nililinaw Ko ito sa iyo ngayon. Kung pipiliin mong huwag makinig, kapag sumapit sa iyo ang sakuna kinalaunan, hindi ba magiging huli na kung noon mo lamang sisimulang madama ang pagsisisi at sisimulang maniwala? Ibinibigay Ko sa iyo ang isang pagkakataon na magsisi ngayon, ngunit ayaw mo. Gaano katagal mo nais maghintay? Hanggang sa araw ba ng pagkastigo? Hindi Ko natatandaan ngayon ang iyong nakaraang mga paglabag; pinapatawad kita nang paulit-ulit, tinatalikdan ang iyong negatibong panig upang tumingin lamang sa iyong positibong panig, sapagkat lahat ng Aking salita at gawain sa kasalukuyan ay upang iligtas ka at wala Akong masamang layunin sa iyo. Ngunit tumatanggi kang pumasok; hindi mo makita ang pagkakaiba ng mabuti sa masama at hindi mo alam kung paano pahalagahan ang kagandahang-loob. Hindi ba ang gayong mga tao ay naghihintay lamang sa pagdating ng kaparusahan at matuwid na kagantihan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 1

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 199

Nang hinampas ni Moises ang bato, at ang tubig na ibinigay ni Jehova ay bumukal, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang tinugtog ni David ang lira sa pagpupuri sa Akin, si Jehova—na ang kanyang puso ay puno ng kagalakan—ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nawala kay Job ang kanyang kawan na pumupuno sa mga bundok at ang di-masukat na kayamanan, at ang kanyang katawan ay napuno ng masasakit na pigsa, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Kapag naririnig niya ang tinig Ko, si Jehova, at nakikita ang Aking kaluwalhatian, si Jehova, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nakasunod si Pedro kay Jesucristo dahil sa kanyang pananampalataya. Naipako siya sa krus alang-alang sa Akin at nakapagbigay ng maluwalhating patotoo dahil din sa kanyang pananampalataya. Nang nakita ni Juan ang maluwalhating larawan ng Anak ng tao, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nakita niya ang pangitain ng mga huling araw, lalo nang lahat ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Ang dahilan kung bakit ang sinasabing karamihan ng mga bansang Hentil ay nakatamo ng Aking paghahayag, at nakaalam na nakabalik na Ako sa katawang-tao upang gawin ang Aking gawain sa gitna ng tao, ay dahil din sa kanilang pananampalataya. Lahat niyaong hinahampas ng Aking malupit na mga salita ngunit nabibigyang-aliw ng mga iyon at inililigtas—hindi ba nila nagawa ang gayon dahil sa kanilang pananampalataya? Ang mga tao ay nakatanggap ng napakarami dahil sa kanilang pananampalataya, at hindi ito palaging pagpapala. Maaaring hindi nila matanggap ang uri ng kaligayahan at kagalakan na nadama ni David, o mapagkalooban ng tubig ni Jehova kagaya ni Moises. Halimbawa, pinagpala ni Jehova si Job dahil sa kanyang pananampalataya, ngunit nagdusa rin siya ng sakuna. Kung ikaw man ay pinagpapala o nagdurusa ng sakuna, kapwa itong mga pinagpalang pangyayari. Kung walang pananampalataya, hindi mo matatanggap ang gawain ng paglupig na ito, lalong hindi mamamasdan ang mga gawa ni Jehova na ipinakikita sa harap mo ngayon. Hindi mo magagawang makakita, at lalong hindi mo magagawang tumanggap. Ang mga hagupit na ito, ang mga kalamidad na ito, at ang lahat ng paghatol—kung hindi sumapit sa iyo ang mga ito, magagawa mo bang makita ang mga gawa ni Jehova ngayon? Ngayon, ang pananampalataya ang nagtutulot sa iyo na malupig, at ang pagiging nalupig ang nagtutulot sa iyo na manalig sa bawat gawa ni Jehova. Dahil lamang sa pananampalataya kaya ka nakatatanggap ng gayong pagkastigo at paghatol. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol na ito, ikaw ay nilulupig at pineperpekto. Kung wala ang uri ng pagkastigo at paghatol na tinatanggap mo ngayon, ang iyong pananampalataya ay mawawalan ng kabuluhan, sapagkat hindi mo makikilala ang Diyos; kahit gaano ka naniniwala sa Kanya, ang iyong pananampalataya ay mananatiling isang hungkag na pagpapahayag na hindi nakasalig sa realidad. Matapos mo lang tanggapin ang gawaing ito ng paglupig, gawain na gumagawa sa iyo na lubos na masunurin, na ang iyong pananampalataya ay nagiging totoo, at maaasahan, at ang iyong puso ay bumabaling sa Diyos. Kahit na ikaw ay nagdurusa ng matinding paghatol at pagsumpa dahil sa salitang ito, “pananampalataya,” ikaw magkagayunman ay may totoong pananampalataya at ikaw ay tumatanggap ng pinakatunay, pinakatotoo, at pinakamahalagang bagay. Ito ay dahil sa pagpapatuloy lamang ng paghatol na nakikita mo ang huling hantungan ng mga nilalang ng Diyos; sa paghatol na ito mo nakikita na ang Lumikha ay dapat ibigin; sa ganitong uri ng gawain ng paglupig mo namamasdan ang bisig ng Diyos; sa panlulupig na ito ka dumarating sa lubos na pagkaunawa sa buhay ng tao; sa panlulupig na ito mo natatamo ang tamang landas ng buhay ng tao at dumarating sa pagkaunawa sa totoong kahulugan ng “tao”; sa panlulupig na ito mo lang nakikita ang matuwid na disposisyon ng Makapangyarihan sa lahat at ang Kanyang maganda at maluwalhating mukha; sa gawain ng paglupig na ito mo natututunan ang tungkol sa pinagmulan ng tao at nauunawaan ang “walang-kamatayang kasaysayan” ng buong sangkatauhan; sa ganitong panlulupig ka dumarating sa pagkaintindi sa mga ninuno ng sangkatauhan at sa pinagmulan ng katiwalian ng sangkatauhan; sa panlulupig na ito ka nakatatanggap ng kaligayahan at kaginhawahan gayundin ng walang-katapusang pagkastigo, pagdidisiplina, at mga pangaral ng Lumikha sa sangkatauhang Kanyang nilikha; sa gawain ng paglupig na ito ka nakatatanggap ng mga pagpapala, gayundin ng mga sakuna na dapat tanggapin ng tao…. Hindi ba ang lahat ng ito ay dahil sa iyong mumunting pananampalataya? Matapos matamo ang mga bagay na ito, hindi ba lumago ang iyong pananampalataya? Hindi ka ba nakatamo ng napakalaking halaga? Hindi mo lamang narinig ang salita ng Diyos at nakita ang karunungan ng Diyos, kundi personal mo ring naranasan ang bawa’t hakbang ng Kanyang gawain. Siguro sasabihin mo na kung wala kang pananampalataya, hindi ka magdurusa ng ganitong uri ng pagkastigo o ganitong uri ng paghatol. Ngunit dapat mong malaman na kung walang pananampalataya, hindi ka lang hindi makatatanggap ng ganitong uri ng pagkastigo o ganitong uri ng pagkalinga mula sa Makapangyarihan sa lahat, kundi magpakailanmang maiwawala mo ang pagkakataong makatagpo ang Lumikha. Hinding-hindi mo malalaman ang pinagmulan ng sangkatauhan at hindi mauunawaan kailanman ang kabuluhan ng buhay ng tao. Kahit na ang iyong katawan ay mamatay at ang iyong kaluluwa ay yumao, hindi mo pa rin mauunawaan ang lahat ng gawa ng Lumikha, lalong hindi mo malalaman na gumawa ng gayong kadakilang gawain sa mundo ang Lumikha matapos Niyang likhain ang sangkatauhan. Bilang kasapi nitong sangkatauhan na Kanyang ginawa, ikaw ba ay pumapayag na walang-muwang na mahulog sa kadiliman nang ganito at magdusa ng walang-hanggang kaparusahan? Kung ihihiwalay mo ang iyong sarili sa pagkastigo at paghatol ngayon, ano ang iyong kakatagpuin? Sa tingin mo ba na kapag maihiwalay mula sa kasalukuyang paghatol, makatatakas ka sa mahirap na buhay na ito? Hindi ba totoo na kung lilisanin mo ang “lugar na ito,” ang iyong haharapin ay masakit na pagpapahirap o malulupit na pinsalang ipinataw ng diyablo? Maaari ka bang maharap sa di-makayanang mga araw at mga gabi? Sa tingin mo ba dahil lang tinatakasan mo ang paghatol na ito ngayon, magpakailanman mong maiiwasan ang pagpapahirap sa hinaharap? Ano kaya ang darating sa iyo? Ito kaya ang Shangri-La na iyong inaasahan? Sa tingin mo ba ay matatakasan mo ang walang-hanggang pagkastigo sa hinaharap sa pamamagitan lang ng pagtakas sa realidad gaya ng iyong ginagawa ngayon? Pagkatapos ng ngayon, makahahanap ka pa kaya muli ng ganitong uri ng pagkakataon at ganitong uri ng pagpapala? Matatagpuan mo ba ang mga ito kapag dinatnan ka ng sakuna? Matatagpuan mo ba ang mga ito kapag ang buong sangkatauhan ay pumasok na sa kapahingahan? Ang kasalukuyang masaya mong buhay at ang iyong magkaayong munting pamilya—makakahalili ba sila sa iyong walang-hanggang hantungan sa hinaharap? Kung ikaw ay may totoong pananampalataya, at kung marami kang natatamo dahil sa iyong pananampalataya, lahat ng iyan ay ang dapat mo—na isang nilalang—na matamo at gayundin ay ang dapat mong taglay noon pa man. Wala nang mas kapaki-pakinabang sa iyong pananampalataya at buhay kaysa gayong panlulupig.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 1

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 200

Ngayon, dapat mong mabatid kung paano malupig, at kung paano kumikilos ang mga tao matapos silang malupig. Maaari mong sabihin na nalupig ka na, ngunit makakasunod ka ba hanggang kamatayan? Kailangan mong magawang sumunod hanggang sa kahuli-hulihan mayroon mang anumang mga maaasam, at hindi ka dapat mawalan ng pananampalataya sa Diyos anuman ang sitwasyon. Sa huli, kailangan mong matamo ang dalawang aspeto ng patotoo: ang patotoo ni Job—pagsunod hanggang kamatayan; at ang patotoo ni Pedro—ang sukdulang pagmamahal sa Diyos. Sa isang banda, kailangan mong maging kagaya ni Job: nawala ang lahat ng kanyang ari-arian, at pinahirapan ng sakit ng katawan, subalit hindi niya tinalikuran ang pangalan ni Jehova. Ito ang patotoo ni Job. Nagawang mahalin ni Pedro ang Diyos hanggang kamatayan. Noong siya ay ipako sa krus at hinarap ang kanyang kamatayan, minahal pa rin niya ang Diyos; hindi niya inisip ang sarili niyang mga inaasam o hinangad ang magagandang pag-asa o maluluhong saloobin, at hinangad lamang niyang mahalin ang Diyos at sundin ang lahat ng plano ng Diyos. Iyan ang batayan na kailangan mong makamtan bago ka maituring na nagpatotoo, bago ka maging isang tao na nagawang perpekto matapos na malupig. Ngayon, kung alam talaga ng mga tao ang sarili nilang diwa at katayuan, maghahangad pa ba sila ng mga inaasam at pag-asa? Ito ang dapat mong malaman: Gawin man akong perpekto ng Diyos, kailangan kong sundan ang Diyos; lahat ng Kanyang ginagawa ngayon ay mabuti at ginagawa para sa aking kapakanan, at upang ang ating disposisyon ay magbago at maialis natin sa ating sarili ang impluwensya ni Satanas, upang tulutan tayong maisilang sa lupain ng karumihan at magkagayunman ay maialis sa ating sarili ang karumihan, maipagpag ang dumi at impluwensya ni Satanas, upang matalikuran ito. Siyempre pa, ito ang kinakailangan sa iyo, ngunit para sa Diyos paglupig lamang ito, na ginagawa upang magkaroon ng matibay na pagpapasiya ang mga tao na sumunod at makapagpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos. Sa ganitong paraan, maisasakatuparan ang mga bagay-bagay. Ngayon, karamihan sa mga tao ay nalupig na, ngunit sa kanilang kalooban ay marami pang paghihimagsik at katigasan ng ulo. Ang tunay na tayog ng mga tao ay napakaliit pa rin, at mapupuno lamang sila ng sigla kung may mga pag-asa at maaasam; kung walang mga pag-asa at maaasam, nagiging negatibo sila, at iniisip pa nilang talikuran ang Diyos. Bukod pa riyan, walang matinding pagnanais ang mga tao na hangaring isabuhay ang normal na pagkatao. Sa gayon, kailangan Ko pa ring talakayin ang paglupig. Sa katunayan, nangyayari ang pagpeperpekto kasabay ng paglupig: Habang ikaw ay nilulupig, nakakamit din ang mga unang epekto ng pagiging nagawang perpekto. Kung saan may pagkakaiba sa pagitan ng malupig at magawang perpekto, ito ay ayon sa antas ng pagbabago sa mga tao. Ang malupig ang unang hakbang upang magawang perpekto, at hindi nangangahulugan na ganap na silang nagawang perpekto, ni hindi nito pinatutunayan na ganap na silang naangkin ng Diyos. Matapos malupig ang mga tao, may ilang pagbabago sa kanilang disposisyon, ngunit ang mga pagbabagong iyon ay napakalayo sa mga taong ganap nang naangkin ng Diyos. Ngayon, ang ginagawa ay ang paunang gawain para magawang perpekto ang mga tao—ang paglupig sa kanila—at kung hindi ka malupig, walang paraan upang magawa kang perpekto at ganap na maangkin ng Diyos. Magtatamo ka lamang ng ilang salita ng pagkastigo at paghatol, ngunit hindi makakaya ng mga ito na ganap na baguhin ang puso mo. Kaya magiging isa ka sa mga inaalis; wala itong ipinagkaiba sa pagtingin sa isang katakam-takam na piging sa ibabaw ng mesa ngunit hindi ito makain. Hindi ba nakalulungkot ang tagpong ito para sa iyo? Kaya nga kailangan kang maghangad ng mga pagbabago: Ang malupig man o magawang perpekto, kapwa nauugnay ito sa kung mayroong mga pagbabago sa iyo, at kung masunurin ka man o hindi, at ito ang nagpapasiya kung ikaw ay maaangkin ng Diyos o hindi. Dapat mong malaman na ang “malupig” at “magawang perpekto” ay batay lamang sa lawak ng pagbabago at pagsunod, pati na rin sa kung gaano kadalisay ang iyong pagmamahal sa Diyos. Ang kinakailangan ngayon ay na ganap kang magagawang perpekto, ngunit sa simula ay kailangan kang malupig—kailangan ay mayroon kang sapat na kaalaman tungkol sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, kailangan ay mayroon kang pananampalatayang sumunod, at maging isang taong naghahangad ng pagbabago at naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos. Saka ka lamang magiging isang tao na naghahangad na magawang perpekto. Dapat ninyong maunawaan na habang ginagawa kayong perpekto ay lulupigin kayo, at habang nilulupig kayo ay gagawin kayong perpekto. Ngayon, maaari kang maghangad na magawang perpekto o maghangad ng mga pagbabago sa iyong panlabas na pagkatao at mapahusay ang iyong kakayahan, ngunit ang pinakamahalaga ay na nauunawaan mo na lahat ng ginagawa ngayon ng Diyos ay may kahulugan at kapaki-pakinabang: Ikaw na isinilang sa isang lupain ng karumihan ay nagkakaroon ng kakayahang makatakas sa karumihan at maipagpag ito, binibigyan ka nito ng kakayahang madaig ang impluwensya ni Satanas, at talikuran ang madilim na impluwensya ni Satanas. Sa pagtutuon sa mga bagay na ito, protektado ka sa lupaing ito ng karumihan. Sa huli, anong patotoo ang hihilinging ibigay mo? Ikaw ay isinilang sa isang lupain ng karumihan ngunit nagagawa mong maging banal, na hindi na muling mabahiran ng dumi kailanman, na mabuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas ngunit inaalis sa iyong sarili ang impluwensya ni Satanas, na hindi masapian ni maligalig ni Satanas, at mabuhay sa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat. Ito ang patotoo, at ang katibayan ng tagumpay sa pakikipaglaban kay Satanas. Nagagawa mong talikuran si Satanas, hindi ka na nagpapakita ng napakasasamang disposisyon sa iyong pagsasabuhay, kundi sa halip ay isinasabuhay mo yaong hinihiling ng Diyos na makamit ng tao nang likhain Niya ang tao: normal na pagkatao, normal na pakiramdam, normal na kabatiran, normal na matibay na pagpapasiyang mahalin ang Diyos, at katapatan sa Diyos. Ganyan ang patotoong ibinabahagi ng isang nilalang ng Diyos. Sabi mo, “Tayo ay isinilang sa isang lupain ng karumihan, ngunit dahil sa proteksyon ng Diyos, dahil sa Kanyang pamumuno, at dahil nalupig Niya tayo, naalis na natin sa ating sarili ang impluwensya ni Satanas. Nakakaya nating sumunod ngayon dahil sa epekto ng paglupig ng Diyos, at hindi dahil sa mabuti tayo, o dahil likas nating mahal ang Diyos. Iyon ay dahil hinirang tayo ng Diyos, at itinalaga tayo noon pa man, kaya tayo nalupig ngayon, nagagawa nating magpatotoo sa Kanya, at maglingkod sa Kanya; gayundin, ito ay dahil hinirang Niya tayo at pinrotektahan, kaya tayo naligtas at napalaya mula sa sakop ni Satanas, at maaari nating talikuran ang karumihan at mapadalisay sa bansa ng malaking pulang dragon.”

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 2

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 201

Ang gawain ng mga huling araw ay lumalabag sa lahat ng panuntunan, at isumpa ka man o parusahan, basta’t tumutulong ka sa Aking gawain at may pakinabang sa gawain ng panlulupig ngayon, at inapo ka man ni Moab o supling ng malaking pulang dragon, basta’t nagagampanan mo ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos sa yugtong ito ng gawain at ginagawa mo ang lahat na kaya mo, makakamit ang hangad na epekto. Ikaw ang supling ng malaking pulang dragon, at ikaw ay isang inapo ni Moab; sa kabuuan, lahat ng may laman at dugo ay mga nilalang ng Diyos, at nilikha ng Lumikha. Ikaw ay isang nilalang ng Diyos, hindi ka dapat magkaroon ng anumang pagpipilian, at ito ang iyong tungkulin. Mangyari pa, ngayon ay nakatuon ang gawain ng Lumikha sa buong sansinukob. Kanino ka man nagmula, higit sa lahat ay isa ka sa mga nilalang ng Diyos, kayo—mga inapo ni Moab—ay bahagi ng mga nilalang ng Diyos, na ang tanging kaibhan ay na mas mababa ang inyong kahalagahan. Yamang, ngayon, ang gawain ng Diyos ay isinasagawa sa lahat ng nilalang at nakatuon sa buong sansinukob, malaya ang Lumikha na pumili ng sinumang mga tao, usapin, o bagay upang gawin ang Kanyang gawain. Wala Siyang pakialam kung kanino ka nagmula dati; basta’t isa ka sa Kanyang mga nilalang, at basta’t kapaki-pakinabang ka sa Kanyang gawain—ang gawain ng panlulupig at patotoo—isasagawa Niya ang Kanyang gawain sa iyo nang walang pag-aalinlangan. Sinisira nito ang tradisyonal na mga kuru-kuro ng mga tao, na ang Diyos ay hindi gagawa kailanman sa mga Hentil, lalo na roon sa mga naisumpa at aba; para sa mga taong naisumpa, lahat ng henerasyon sa hinaharap na nagmumula sa kanila ay isusumpa rin magpakailanman, at hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataong maligtas; hindi kailanman bababa ang Diyos at gagawa sa lupain ng Hentil, at hindi kailanman tatapak sa lupain ng karumihan, sapagkat Siya ay banal. Lahat ng kuru-kurong ito ay sinira na ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Dapat ninyong malaman na ang Diyos ang Diyos ng lahat ng nilalang, hawak Niya ang kapamahalaan sa kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at hindi lamang Diyos ng mga tao ng Israel. Sa gayon, napakahalaga ng gawaing ito sa Tsina, at hindi ba ito lalaganap sa lahat ng bansa? Ang malaking patotoo sa hinaharap ay hindi magiging limitado sa Tsina; kung kayo lamang ang nilupig ng Diyos, maaari bang makumbinsi ang mga demonyo? Hindi nila nauunawaan ang malupig, o ang dakilang kapangyarihan ng Diyos, at kapag namasdan ng mga taong hinirang ng Diyos sa buong sansinukob ang huling mga epekto ng gawaing ito, saka lamang malulupig ang lahat ng nilalang. Wala nang mas paurong o tiwali kaysa sa mga inapo ni Moab. Kung malulupig ang mga taong ito—sila na napakatiwali, na hindi kinilala ang Diyos o naniwala na may isang Diyos ay nalupig na, at kinikilala ang Diyos sa kanilang bibig, pinupuri Siya, at nagagawa Siyang mahalin—saka lamang ito magiging patotoo tungkol sa panlulupig. Bagama’t hindi kayo si Pedro, isinasabuhay ninyo ang imahe ni Pedro, nagagawa ninyong taglayin ang patotoo ni Pedro, at ni Job, at ito ang pinakadakilang patotoo. Sa huli sasabihin mo: “Hindi kami mga Israelita, kundi pinabayaang mga inapo ni Moab, hindi kami si Pedro, na ang kakayahan ay hindi namin kaya, ni hindi kami si Job, at ni hindi kami maikukumpara sa matibay na pagpapasiya ni Pablo na magdusa para sa Diyos at ilaan ang kanyang sarili sa Diyos, at masyado kaming paurong, at sa gayon, hindi kami karapat-dapat na magtamasa ng mga pagpapala ng Diyos. Itinaas pa rin kami ng Diyos ngayon; kaya kailangan naming palugurin ang Diyos, at bagama’t hindi sapat ang aming kakayahan o mga katangian, handa kaming palugurin ang Diyos—ito ang aming matibay na pasiya. Kami ay mga inapo ni Moab, at kami ay isinumpa. Iniutos ito ng Diyos, at hindi namin kayang baguhin ito, ngunit maaaring magbago ang aming pagsasabuhay at aming kaalaman, at matibay ang aming pasiya na palugurin ang Diyos.” Kapag mayroon ka ng matibay na pagpapasiyang ito, magpapatunay ito na nagpatotoo ka na nalupig ka na.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 2

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 202

Ang epektong nilayon ng gawain ng panlulupig, una sa lahat, ay upang hindi na maging suwail ang laman ng tao; ibig sabihin, upang magtamo ng bagong kaalaman ang isipan ng tao tungkol sa Diyos, upang ang puso ng tao ay lubusang sumunod sa Diyos, at upang higit na hangarin ng tao na maging para sa Diyos. Hindi itinuturing na nalupig ang mga tao kapag nagbago ang kanilang pag-uugali o laman; kapag nagbago ang pag-iisip, kamalayan, at katinuan ng tao, ibig sabihin, kapag nagbago ang iyong buong ugaling pangkaisipan—iyon ay kapag nalupig ka na ng Diyos. Kapag naipasiya mo nang sumunod at nagkaroon ka na ng isang bagong mentalidad, kapag hindi mo na dala-dala ang anuman sa iyong sariling mga kuru-kuro o layon sa mga salita at gawain ng Diyos, at kapag nakakapag-isip na nang normal ang iyong utak—na ibig sabihin, kapag kaya mo nang magsikap para sa Diyos nang buong puso mo—ikaw ang uri ng tao na lubusang nalupig. Sa relihiyon, maraming taong nagdurusa nang husto sa buong buhay nila: Sinusupil nila ang kanilang katawan at pinapasan ang kanilang krus, at patuloy pa silang nagdurusa at nagtitiis kapag nasa bingit na ng kamatayan! Nag-aayuno pa rin ang ilan sa umaga ng kanilang kamatayan. Buong buhay nila ay pinagkakaitan nila ang kanilang sarili ng masasarap na pagkain at magagarang damit, habang nakatuon sa pagdurusa. Nagagawa nilang supilin ang kanilang katawan at talikuran ang kanilang laman. Kapuri-puri ang sigla nilang magtiis ng pagdurusa. Ngunit ang kanilang pag-iisip, ang kanilang mga kuru-kuro, ang kanilang ugaling pangkaisipan, at tunay ngang ang dati nilang likas na pagkatao, ay hindi pa napakitunguhan kahit kaunti. Wala silang tunay na kaalaman tungkol sa kanilang sarili. Ang larawan ng Diyos na nasa kanilang isipan ay ang tradisyunal at malabong Diyos. Ang matibay na pasiya nilang magdusa para sa Diyos ay nagmumula sa kanilang kasigasigan at mabuting katangian ng kanilang pagkatao. Kahit naniniwala sila sa Diyos, hindi nila Siya nauunawaan ni hindi nila alam ang Kanyang kalooban. Pikit-mata lamang silang gumagawa at nagdurusa para sa Diyos. Hindi nila binibigyan ng anumang halaga ang pagtukoy, halos walang pakialam kung paano titiyakin na talagang tinutupad ng kanilang paglilingkod ang kalooban ng Diyos, lalo nang wala silang kamalayan kung paano magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos. Ang Diyos na kanilang pinaglilingkuran ay hindi ang Diyos sa Kanyang orihinal na larawan, kundi isang Diyos na inilarawan nila sa kanilang isip, isang Diyos na nabalitaan lamang nila, o nabasa lamang nila sa mga nakasulat na alamat. Pagkatapos ay ginagamit nila ang kanilang mayayabong na imahinasyon at pagiging deboto upang magdusa para sa Diyos at isagawa ang gawain ng Diyos na nais gawin ng Diyos. Lubhang walang katuturan ang kanilang paglilingkod, kaya nga halos walang sinuman sa kanila ang tunay na nagagawang maglingkod sa Diyos alinsunod sa kalooban ng Diyos. Gaano kasaya man silang nagdurusa, ang orihinal nilang pananaw sa paglilingkod at ang larawan ng Diyos sa kanilang isipan ay hindi nagbabago, dahil hindi pa sila nagdaraan sa paghatol, pagkastigo, pagpipino, at pagpeperpekto ng Diyos, ni hindi sila nagabayan ng sinuman gamit ang katotohanan. Kahit naniniwala sila kay Jesus na Tagapagligtas, walang sinuman sa kanila ang nakakita sa Tagapagligtas kailanman. Nalalaman lamang nila ang tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga alamat at sabi-sabi. Dahil dito, ang kanilang paglilingkod ay katumbas lamang ng walang pinipiling paglilingkod nang nakapikit, tulad ng isang bulag na naglilingkod sa sarili niyang ama. Ano, sa bandang huli, ang makakamit ng gayong uri ng paglilingkod? At sino ang sasang-ayon dito? Mula simula hanggang wakas, ganoon pa rin ang kanilang paglilingkod sa lahat ng dako; tumatanggap lamang sila ng mga aral na gawa ng tao at ibinabatay lamang nila ang kanilang paglilingkod sa kanilang naturalesa at sa kanilang sariling mga kagustuhan. Anong gantimpala ang idudulot nito? Kahit si Pedro, na nakakita kay Jesus, ay hindi alam kung paano maglingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos; nalaman lamang niya ito sa bandang huli, noong matanda na siya. Ano ang sinasabi nito tungkol sa mga taong bulag na hindi pa nakaranas ng kahit kaunting pakikitungo o pagtatabas, at walang sinumang gumagabay sa kanila? Hindi ba kagaya nang sa mga taong bulag na ito ang paglilingkod ng marami sa inyo ngayon? Lahat ng hindi pa nakatanggap ng paghatol, hindi pa nakatanggap ng pagtatabas at pakikitungo, at hindi pa nagbago—hindi ba lahat sila ay hindi pa lubusang nalupig? Ano ang silbi ng gayong mga tao? Kung ang iyong pag-iisip, iyong kaalaman tungkol sa buhay, at iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay hindi nagpapakita ng pagbabago at wala ka talagang napapala, hindi ka magkakamit kailanman ng anumang pambihira sa iyong paglilingkod! Kung wala kang pangitain at bagong kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, ikaw ay hindi nalupig. Ang paraan ng pagsunod mo sa Diyos kung gayon ay magiging katulad ng mga nagdurusa at nag-aayuno: maliit ang halaga! Dahil mismo sa maliit na patotoo sa kanilang ginagawa kaya Ko sinasabi na walang saysay ang kanilang paglilingkod! Ang mga taong ito ay buong buhay na nagdusa at gumugol ng oras sa bilangguan; lagi silang matiisin, mapagmahal, at nagpapasan ng krus, nililibak sila at itinatakwil ng mundo, nagdaranas ng lahat ng hirap, at bagama’t masunurin sila hanggang sa huli, hindi pa rin sila nalulupig, at walang maibahaging patotoo na nalupig na sila. Nagdusa na sila nang malaki, ngunit sa kanilang kalooban ay ni hindi man lamang nila kilala ang Diyos. Wala sa kanilang dating pag-iisip, mga kuru-kuro, mga relihiyosong gawi, kaalamang gawa ng tao, at mga ideya ng tao ang napakitunguhan. Wala sila ni katiting na pahiwatig ng bagong kaalaman sa kanilang kalooban. Wala ni katiting ng kanilang kaalaman tungkol sa Diyos ang totoo o tumpak. Mali ang pagkaunawa nila sa kalooban ng Diyos. May silbi ba ito sa Diyos? Anuman ang kaalaman mo tungkol sa Diyos noong araw, kung ganoon pa rin iyon ngayon at patuloy mong ibinabatay ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos sa sarili mong mga kuru-kuro at ideya anuman ang ginagawa ng Diyos, na ang ibig sabihin ay kung wala kang taglay na bago at tunay na kaalaman tungkol sa Diyos at kung nabigo kang malaman ang tunay na larawan at disposisyon ng Diyos, kung ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay ginagabayan pa rin ng pyudal at mapamahiing pag-iisip at nagmumula pa rin sa mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, hindi ka pa nalulupig. Ang lahat ng maraming salitang sinasabi Ko ngayon sa iyo ay para malaman mo na upang maakay ka ng kaalamang ito sa isang bago at tumpak na kaalaman; ang mga ito ay para alisin rin ang mga lumang kuru-kuro at mga lumang kaalaman mo, upang magtaglay ka ng bagong kaalaman. Kung tunay mong kinakain at iniinom ang Aking mga salita, ang iyong kaalaman ay lubhang magbabago. Basta’t kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos na may pusong masunurin, babaligtad ang iyong pananaw. Basta’t nagagawa mong tanggapin ang paulit-ulit na mga pagkastigo, unti-unting magbabago ang iyong dating mentalidad. Basta’t lubos na napalitan ng bago ang iyong dating mentalidad, magbabago rin ang iyong pagsasagawa ayon dito. Sa ganitong paraan, ang iyong paglilingkod ay unti-unting makakaayon sa layunin, unti-unting magagawang tuparin ang kalooban ng Diyos. Kung mababago mo ang iyong pamumuhay, ang iyong kaalaman tungkol sa buhay ng tao, at ang iyong maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos, unti-unting mababawasan ang iyong naturalesa. Ito, at wala nang iba, ang epekto kapag nilupig ng Diyos ang mga tao, ito ang pagbabagong nangyayari sa mga tao. Kung, sa iyong pananampalataya sa Diyos, ang tanging alam mo ay supilin ang iyong katawan at magtiis at magdusa, at hindi mo alam kung iyan ay tama o mali, lalo na kung para kanino ito ginagawa, paano maaaring humantong sa pagbabago ang gayong uri ng pagsasagawa?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 3

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 203

Ano ang ibig sabihin ng magawang perpekto? Ano ang ibig sabihin ng malupig? Ano ang pamantayang kailangang matugunan para malupig ang mga tao? At ano ang pamantayang kailangang matugunan para magawa silang perpekto? Ang paglupig at pagpeperpekto ay kapwa para sa layunin na gawing ganap ang tao upang maipanumbalik siya sa kanyang orihinal na wangis, at mapalaya sa kanyang tiwali at napakasamang disposisyon at sa impluwensya ni Satanas. Ang paglupig na ito ay maagang dumarating sa proseso ng paghubog sa tao; tunay ngang ito ang unang hakbang ng gawain. Pagpeperpekto ang pangalawang hakbang, at ito ang pangwakas na gawain. Bawat tao ay kailangang dumaan sa proseso ng paglupig. Kung hindi, walang paraan para makilala nila ang Diyos, ni hindi nila malalaman na may isang Diyos, na ibig sabihin ay imposible nilang kilalanin ang Diyos. At kung hindi kinikilala ng mga tao ang Diyos, imposible ring magawa silang ganap ng Diyos, yamang hindi mo naaabot ang mga pamantayang ito para magawang ganap. Kung hindi mo man lamang kinikilala ang Diyos, paano mo Siya makikilala? Paano mo Siya masusundan? Hindi mo rin magagawang magpatotoo sa Kanya, at lalong hindi ka magkakaroon ng pananampalataya upang palugurin Siya. Kaya, para sa sinumang nais magawang ganap, ang unang hakbang dapat ay magdaan sa gawain ng paglupig. Ito ang unang kundisyon. Ngunit ang paglupig at pagpeperpekto ay kapwa para hubugin ang mga tao at baguhin sila, at bawat isa ay bahagi ng gawain ng pamamahala sa tao. Kinakailangan ang dalawang hakbang na ito upang gawing buo ang isang tao, at parehong hindi maaaring pabayaan. Totoong ang “malupig” ay di-gaanong magandang pakinggan, ngunit sa totoo lang, ang proseso ng paglupig sa isang tao ay ang proseso ng pagbago sa kanila. Kapag nalupig ka na, maaaring hindi pa naalis nang lubusan ang iyong tiwaling disposisyon, ngunit malalaman mo na ito. Sa pamamagitan ng gawain ng paglupig, malalaman mo na ang iyong abang pagkatao, pati na ang sarili mong pagsuway. Kahit hindi mo magawang alisin o baguhin ang mga bagay na ito sa loob ng maikling panahon ng gawain ng paglupig, malalaman mo ang mga ito, at ito ang maglalatag ng pundasyon para sa iyong pagka-perpekto. Sa gayon, ang panlulupig at pagpeperpekto ay kapwa ginagawa upang baguhin ang mga tao, upang alisin sa kanila ang kanilang tiwali at satanikong mga disposisyon upang lubos nilang maialay ang kanilang sarili sa Diyos. Ang malupig ay unang hakbang lamang sa pagbabago ng disposisyon ng mga tao, at unang hakbang din sa lubusang pag-aalay ng mga tao ng kanilang sarili sa Diyos, at mas mababa kaysa sa hakbang na magawang perpekto. Ang disposisyon sa buhay ng isang taong nalupig ay di-gaanong nagbabago kumpara sa disposisyon ng isang taong nagawang perpekto. Ang malupig at magawang perpekto ay magkaiba sa isa’t isa sa tingin dahil magkaibang yugto ng gawain ang mga ito at dahil magkaiba ang mga pamantayan nila sa mga tao; mas mababa ang mga pamantayan ng paglupig sa mga tao, samantalang mas mataas ang mga pamantayan ng pagpeperpekto sa kanila. Ang mga nagawang perpekto ay mga taong matuwid, mga taong nagawang banal; sila ang mga kaganapan ng gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, o ang mga resulta. Kahit hindi sila mga perpektong tao, sila ay mga taong naghahangad na mamuhay nang makabuluhan. Samantala, kinikilala ng mga nalupig ang pag-iral ng Diyos sa salita lamang; kinikilala nila na nagkatawang-tao na ang Diyos, na nagpakita na ang Salita sa katawang-tao, at na pumarito na ang Diyos sa lupa upang gawin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Kinikilala rin nila na ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at ang Kanyang paghampas at pagpipino, ay kapaki-pakinabang na lahat sa tao. Kailan lamang sila nagsimulang magkaroon ng kaunting wangis ng tao. Mayroon silang kaunting mga kabatiran sa buhay, ngunit may kalabuan pa rin ito sa kanila. Sa madaling salita, nagsisimula pa lamang silang magtaglay ng pagkatao. Ito ang mga epekto ng malupig. Kapag nagsimulang tumahak ang mga tao sa landas ng pagkaperpekto, ang dati nilang mga disposisyon ay may kakayahang magbago. Bukod dito, patuloy na lumalago ang kanilang buhay, at unti-unti silang pumapasok nang mas malalim sa katotohanan. Nagagawa nilang kamuhian ang mundo at lahat ng hindi nagsisikap na matamo ang katotohanan. Kinamumuhian nila lalo na ang kanilang sarili, ngunit higit pa riyan, malinaw nilang kilala ang kanilang sarili. Handa silang mamuhay ayon sa katotohanan at ginagawa nilang kanilang layunin na sikaping matamo ang katotohanan. Ayaw nilang mamuhay ayon sa mga kaisipang nabuo sa sarili nilang utak, at nakararamdam sila ng pagkamuhi sa pagmamagaling, kahambugan, at kapalaluan ng tao. Nagsasalita sila nang may matinding pagpapahalaga sa kagandahang-asal, nangangasiwa sa mga bagay-bagay nang may pagkakilala at karunungan, at matapat at masunurin sa Diyos. Kung nakararanas sila ng isang pagkakataon ng pagkastigo at paghatol, hindi lamang sila hindi nagiging walang kibo o mahina, kundi nagpapasalamat pa sila para sa pagkastigo at paghatol na ito ng Diyos. Naniniwala sila na hindi maaaring wala silang pagkastigo at paghatol ng Diyos, na pinoprotektahan sila nito. Hindi sila nagsisikap na maghangad ng pananampalatayang magkaroon ng kapayapaan at kagalakan at maghanap ng tinapay upang mapawi ang gutom. Ni hindi rin sila naghahangad ng panandaliang kaaliwan ng laman. Ito ang nangyayari sa mga naperpekto. Matapos malupig ang mga tao, kinikilala nila na may isang Diyos, ngunit ang pagkilala na iyon ay naipapamalas sa kanila sa limitadong bilang ng mga pamamaraan. Ano ba talaga ang ibig sabihin ng Salitang nagpapakita sa katawang-tao? Ano ang kahulugan ng pagkakatawang-tao? Ano na ang nagawa ng Diyos na nagkatawang-tao? Ano ang layunin at kabuluhan ng Kanyang gawain? Matapos maranasan ang napakarami sa Kanyang gawain, matapos maranasan ang Kanyang mga gawa sa katawang-tao, ano ang iyong natamo? Matapos maunawaan ang lahat ng bagay na ito ay saka ka lamang magiging isang tao na nalupig. Kung sinasabi mo lamang na kinikilala mo na may isang Diyos, ngunit hindi mo tinatalikuran ang dapat mong talikuran, at hindi mo maisuko ang mga makamundong kasiyahang dapat mong isuko, kundi sa halip ay patuloy kang nag-iimbot sa mga makamundong kaginhawahan tulad ng dati, at kung hindi mo magawang pakawalan ang anumang mga pagkiling laban sa mga kapatid, at hindi ka nagsasakripisyo sa pagsasakatuparan ng maraming simpleng pagsasagawa, pinatutunayan nito na hindi ka pa nalulupig. Kung gayon, kahit marami kang nauunawaan, mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng iyon. Ang mga nalupig ay mga taong nagtamo ng ilang paunang mga pagbabago at paunang pagpasok. Ang pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos ay nagdudulot sa mga tao ng paunang kaalaman tungkol sa Diyos, at ng paunang pagkaunawa sa katotohanan. Maaaring hindi mo kayang lubos na makapasok sa realidad ng mas malalim at mas detalyadong mga katotohanan, ngunit naisasagawa mo ang maraming panimulang katotohanan sa iyong aktwal na buhay, tulad ng mga may kinalaman sa iyong mga makamundong kasiyahan o sa iyong personal na katayuan. Lahat ng ito ay epekto na natatamo sa mga tao habang sila ay nilulupig. Makikita rin ang mga pagbabago sa disposisyon sa nalupig; halimbawa, ang paraan ng kanilang pananamit at pag-aayos sa kanilang sarili, at kung paano sila namumuhay—magbabago ang lahat ng ito. Ang kanilang pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay nagbabago, malinaw sa kanila ang mga layunin ng kanilang patuloy na pagsisikap, at may mas matataas silang hangarin. Sa gawain ng paglupig, nangyayari din ang nauukol na mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. May mga pagbabago, ngunit mababaw, panimula, at napakababa kumpara sa mga pagbabago sa disposisyon at mga layunin ng patuloy na pagsisikap ng mga nagawang perpekto. Habang nilulupig, kung hindi man lamang magbago ang disposisyon ng isang tao, at hindi sila magtamo ng anumang katotohanan, ang taong ito ay isang basura, at ganap na walang silbi! Ang mga taong hindi pa nalulupig ay hindi maaaring magawang perpekto! Kung hinahangad lamang ng isang tao na malupig, hindi sila lubos na magagawang ganap, kahit nagpapakita ng ilang pagbabago ang kanilang mga disposisyon sa panahon ng gawain ng paglupig. Mawawala rin sa kanila ang mga paunang katotohanang kanilang natamo. May malaking pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa mga disposisyon sa mga nalupig at sa mga naperpekto. Ngunit ang malupig ang unang hakbang sa pagbabago; ito ang pundasyon. Ang kawalan ng paunang pagbabagong ito ay katunayan na talagang hindi man lamang kilala ng isang tao ang Diyos, yamang ang kaalamang ito ay nagmumula sa paghatol, at ang paghatol na iyon ay isang malaking bahagi ng gawain ng paglupig. Sa gayon, lahat ng ginawang perpekto ay kailangan munang malupig. Kung hindi, walang paraan para magawa silang perpekto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 4

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 204

Ngayon, pinagsasabihan Ko kayo para sa kapakanan ng inyong sariling kaligtasan, upang ang Aking gawain ay sumulong nang maayos, at upang ang Aking kauna-unahang gawain sa buong sansinukob ay maaaring maisakatuparan nang higit na angkop at ganap, ibinubunyag ang Aking mga salita, awtoridad, kamahalan, at paghatol sa mga tao ng lahat ng bayan at bansa. Ang Aking gawain na ginagawa kasama ninyo ay ang umpisa ng Aking gawain sa buong sansinukob. Bagama’t ngayon na ang panahon ng mga huling araw, alamin ninyo na ang “mga huling araw” ay isa lamang pangalan ng isang kapanahunan; gaya lamang ng Kapanahunan ng Kautusan at ng Kapanahunan ng Biyaya, ito ay tumutukoy sa isang kapanahunan, at nangangahulugan ng kabuuan ng isang kapanahunan, sa halip na sa huling ilang taon o buwan. Nguni’t ang mga huling araw ay hindi gaya ng Kapanahunan ng Biyaya at ng Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawain ng mga huling araw ay hindi isinasakatuparan sa Israel, kundi sa gitna ng mga Hentil; ito ay ang paglupig ng mga tao mula sa lahat ng bansa at tribo sa labas ng Israel sa harap ng Aking trono, upang ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob ay makapupuno sa kosmos at sa papawirin. Ito ay upang maaaring makamtan Ko ang mas dakilang kaluwalhatian, upang ang lahat ng nilikha sa lupa ay maaaring maipasa ang Aking kaluwalhatian sa bawat bansa, pababa sa lahat ng salinlahi magpakailanman, at nang ang lahat ng nilikha sa langit at lupa ay makakakita sa lahat ng kaluwalhatian na Aking natatamo sa lupa. Ang gawaing isinasakatuparan sa panahon ng mga huling araw ay ang gawain ng panlulupig. Hindi ito ang paggabay sa mga buhay ng lahat ng tao sa lupa, kundi ang konklusyon ng hindi-nasisira at libong-taong buhay ng pagdurusa ng sangkatauhan sa lupa. Dahil dito, ang gawain ng mga huling araw ay hindi makakatulad sa ilang libong taon ng gawain sa Israel, ni hindi rin ito magiging katulad lamang sa ilang taon ng gawain sa Judea na nagpatuloy ng dalawang libong taon hanggang sa pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos. Dinaranas lamang ng mga tao sa mga huling araw ang muling pagpapakita ng Manunubos sa katawang-tao, at tinatanggap nila ang personal na gawain at mga salita ng Diyos. Hindi ito aabot ng dalawang libong taon bago dumating ang katapusan ng mga huling araw; ang mga iyon ay maikli, kagaya noong isinakatuparan ni Jesus ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya sa Judea. Ito ay dahil sa ang mga huling araw ay ang konklusyon ng buong kapanahunan. Ang mga iyon ay ang kaganapan at ang katapusan ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, at tinatapos ng mga iyon ang paglalakbay ng sangkatauhan sa buhay ng pagdurusa. Hindi dinadala ng mga iyon ang buong sangkatauhan tungo sa isang bagong kapanahunan o pinahihintulutan ang buhay ng sangkatauhan na magpatuloy; wala iyang kabuluhan para sa Aking plano ng pamamahala o para sa pag-iral ng tao. Kung ang sangkatauhan ay magpatuloy nang ganito, kung gayon sa malao’t madali sila ay lalamunin nang buo ng diyablo, at yaong mga kaluluwa na nabibilang sa Akin sa kahuli-hulihan ay mawawasak sa mga kamay nito. Ang Aking gawain ay tatagal lamang ng anim-na-libong taon, at Ako ay nangako na ang pagkontrol ng masama sa buong sangkatauhan ay hindi rin tatagal nang higit sa anim-na-libong taon. At ngayon, tapos na ang oras. Hindi Ko na ipagpapatuloy o ipagpapaliban pa: Sa panahon ng mga huling araw Aking lulupigin si Satanas, babawiin Ko ang lahat ng Aking kaluwalhatian, at babawiin Ko ang lahat ng kaluluwa sa lupa na kabilang sa Akin upang itong mga kaluluwang naghihinagpis ay maaaring makawala sa dagat ng pagdurusa, at sa gayon matatapos na ang Aking buong gawain sa lupa. Simula sa araw na ito, hindi na Ako kailanman magkakatawang-tao sa lupa, at hindi na muling gagawa pa sa lupa ang Aking Espiritu na nagkokontrol-ng-lahat. Ako ay gagawa lamang ng isang bagay sa lupa: Huhubugin Kong muli ang sangkatauhan, isang sangkatauhan na banal at siyang Aking tapat na lungsod sa lupa. Nguni’t alamin ninyo na hindi Ko lilipulin ang buong mundo, hindi Ko rin lilipulin ang buong sangkatauhan. Iingatan Ko yaong natitirang ikatlong bahagi—ang ikatlong bahaging nagmamahal sa Akin at lubusan Kong nalulupig, at sila ay Aking gagawing mabunga at mapagparami sa lupa kagaya ng ginawa ng mga Israelita sa ilalim ng kautusan, binubusog sila ng masaganang mga tupa at baka at lahat ng kasaganaan ng lupa. Ang sangkatauhang ito ay mananatili sa Akin magpakailanman, nguni’t hindi ito ang magiging karumal-dumal na maruming sangkatauhan sa ngayon, kundi isang sangkatauhan na natipon mula sa lahat niyaong Aking mga natamo. Ang sangkatauhang iyon ay hindi mapipinsala, magagambala, o makukubkob ni Satanas, at magiging ang tanging sangkatauhan na mananatili sa mundo pagkatapos Kong nagtagumpay laban kay Satanas. Ito ang sangkatauhan na nalulupig Ko na ngayon at nagtatamo ng Aking pangako. At sa gayon, ang sangkatauhan na nalulupig sa panahon ng mga huling araw ay siya ring sangkatauhan na maliligtas at magtatamo ng Aking walang-hanggang mga pagpapala. Ito ang tanging magiging patunay ng Aking tagumpay laban kay Satanas, at ang tanging mga nasamsam sa Aking pakikipaglaban kay Satanas. Itong mga nasamsam sa digmaan ay Aking naililigtas mula sa sakop ni Satanas, at ang tanging pagkakabuu-buo at bunga ng Aking anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Sila ay nagmula sa bawat bansa at denominasyon, mula sa bawat lugar at bayan, sa buong sansinukob. Sila ay galing sa iba’t ibang lahi, may iba’t ibang wika, kaugalian at mga kulay ng balat, at sila ay nakakalat sa lahat ng bansa at denominasyon sa buong mundo, at maging sa bawat sulok ng mundo. Hindi magtatagal, sila ay magsasama-sama upang buuin ang isang ganap na sangkatauhan, isang pagtitipon ng tao na hindi kayang abutin ng mga puwersa ni Satanas. Yaong mga nasa gitna ng sangkatauhan na hindi Ko nailigtas at nalupig ay tahimik na lulubog sa kailaliman ng dagat, at masusunog ng Aking tumutupok na apoy nang walang-hanggan. Lilipulin Ko itong luma at sukdulan ang karumihang sangkatauhan, kagaya ng paglipol Ko sa mga panganay na anak at mga baka sa Ehipto, itinira lamang ang mga Israelita, na kumain ng karne ng tupa, uminom ng dugo ng tupa, at nagtatak ng dugo ng tupa sa hamba ng kanilang mga pinto. Hindi ba’t ang mga taong Aking nalulupig at mula sa Aking pamilya ay siya ring mga taong kumakain ng laman ng Cordero na Ako at umiinom ng dugo ng Cordero na Ako, at Aking natubos at sumasamba sa Akin? Hindi ba sila ang mga uri ng tao na laging sinasamahan ng Aking kaluwalhatian? Hindi ba yaong mga wala ng laman ng Cordero na Ako, ay tahimik nang nakalubog sa kailaliman ng dagat? Ngayon sumasalungat kayo sa Akin, at ngayon ang Aking mga salita ay tulad lamang niyaong mga sinabi ni Jehova sa mga lalaking-anak at mga lalaking-apo ng Israel. Nguni’t ang katigasan sa kaibuturan ng inyong mga puso ay nagsasanhi ng Aking poot para maipon, nagdudulot ng higit pang pagdurusa sa inyong mga laman, higit pang paghatol sa inyong mga kasalanan, at higit pang poot sa inyong di-pagkamakatuwiran. Sino ang maliligtas sa Aking araw ng poot, kung ganito ang turing ninyo sa Akin sa ngayon? Kaninong di-pagkamakatuwiran ang kayang makatakas sa Aking mga mata ng pagkastigo? Kaninong mga kasalanan ang makakaiwas sa mga kamay Ko, ang Makapangyarihan sa lahat? Kaninong paglaban ang makakatakas ng Aking paghatol, ang Makapangyarihan sa lahat? Ako, si Jehova, ay nagsasalita sa inyo, mga inapo ng pamilyang Hentil, at ang mga salitang binibigkas Ko sa inyo ay higit sa lahat ng pagbigkas sa Kapanahunan ng Kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya, nguni’t kayo ay mas matigas pa sa lahat ng tao sa Ehipto. Hindi ba ninyo iniipon ang Aking poot habang Ako ay mapayapang gumagawa ng Aking gawain? Paano kayo makakatakas nang walang-pinsala mula sa araw Ko, ang Makapangyarihan sa lahat?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang May Katawan ang Makakatakas sa Araw ng Poot

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 205

Dapat ninyong ibigay ang lahat para sa Aking gawain. Dapat kayong gumawa ng gawaing kapaki-pakinabang sa Akin. Handa Akong ipaliwanag sa inyo ang lahat ng hindi ninyo nauunawaan para matutuhan ninyo mula sa Akin ang lahat ng wala sa inyo. Bagama’t di-mabilang sa dami ang inyong mga depekto, handa Akong patuloy na gawin ang gawaing dapat Kong gawin sa inyo, ipagkaloob sa inyo ang huling awa Ko para makinabang kayo mula sa Akin at magtamo kayo ng kaluwalhatiang wala sa inyo at hindi pa nakikita ng mundo kailanman. Nagtrabaho na Ako nang napakaraming taon, subalit hindi Ako nakilala ng sinumang tao kailanman. Nais Kong sabihin sa inyo ang mga lihim na hindi Ko pa nasasabi kailanman kahit kanino.

Sa mga tao, Ako ang Espiritung hindi nila makita, ang Espiritung hindi nila makakasalamuha kailanman. Dahil sa tatlong yugto ng Aking gawain sa lupa (paglikha ng mundo, pagtubos, at pagwasak), nagpapakita Ako sa gitna nila sa iba’t ibang panahon (hindi sa publiko kailanman) upang gawin ang Aking gawain sa mga tao. Ang unang pagkakataon na pumarito Ako sa mga tao ay noong Kapanahunan ng Pagtubos. Mangyari pa, napunta Ako sa isang pamilyang Hudyo; sa gayon, ang unang nakakita sa pagparito ng Diyos sa lupa ay ang mga Hudyo. Kaya Ko ginawa nang personal ang gawaing ito ay dahil nais Kong gamitin ang Aking katawang-tao bilang handog dahil sa kasalanan sa Aking gawain ng pagtubos. Sa gayon, ang unang nakakita sa Akin ay ang mga Hudyo sa Kapanahunan ng Biyaya. Iyon ang unang pagkakataon na gumawa Ako na nasa katawang-tao. Sa Kapanahunan ng Kaharian, ang gawain Ko ay manlupig at magperpekto, kaya muli Kong ginawa ang gawaing mag-akay na nasa katawang-tao. Ito ang ikalawang pagkakataon Kong magtrabaho na nasa katawang-tao. Sa huling dalawang yugto ng gawain, ang nakakasalamuha ng mga tao ay hindi na ang di-nakikita at di-nahahawakang Espiritu, kundi isang tao na siyang Espiritung nagkatawang-tao. Sa gayon, sa mga mata ng tao, nagiging tao Akong muli, na hindi kamukha ng anyo at pakiramdam ng Diyos. Bukod dito, ang Diyos na nakikita ng mga tao ay hindi lamang lalaki, kundi babae rin, na lubhang kataka-taka at nakalilito sa kanila. Muli’t muli, pinutol na ng Aking pambihirang gawain ang sinaunang mga paniniwalang pinanghawakan sa loob ng napakaraming taon. Nalito ang mga tao! Ang Diyos ay hindi lamang ang Banal na Espiritu, ang Espiritung iyon, ang Espiritung pinatindi nang pitong beses, o ang Espiritung sumasaklaw sa lahat, kundi isang tao rin—isang ordinaryong tao, isang lubhang karaniwang tao. Hindi lamang Siya lalaki, kundi babae rin. Magkapareho sila dahil kapwa Sila isinilang sa mga tao, at magkaiba dahil ipinaglihi ang isa sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ang isa naman ay isinilang sa isang tao, bagama’t nagmula mismo sa Espiritu. Magkatulad Sila dahil pareho Silang Diyos na nagkatawang-tao na nagsasagawa ng gawain ng Diyos Ama, at magkaiba dahil ginagawa ng isa ang gawain ng pagtubos samantalang ang isa naman ay ang gawain ng panlulupig. Parehong kumakatawan sa Diyos Ama, ngunit ang isa ay ang Manunubos, na puno ng kagandahang-loob at awa, at ang isa naman ay ang Diyos ng katuwiran, na puno ng poot at paghatol. Ang isa ay ang Kataas-taasang Pinuno na naglunsad ng gawain ng pagtubos, samantalang ang isa naman ay ang matuwid na Diyos na nagsasakatuparan ng gawain ng panlulupig. Ang isa ay ang Simula, at ang isa naman ay ang Wakas. Ang isa ay walang-kasalanang katawan, samantalang ang isa naman ay katawan na tumatapos sa pagtubos, nagpapatuloy ng gawain, at hindi nagkakasala kailanman. Pareho Silang iisang Espiritu, ngunit nananahan Sila sa magkaibang katawang-tao at isinilang sa magkaibang lugar, at magkahiwalay Sila nang ilang libong taon. Gayunman, lahat ng Kanilang gawain ay nagpupuno sa isa’t isa, hindi kailanman nagkakasalungat, at maaaring banggitin nang sabay. Pareho Silang tao, ngunit ang isa ay isang batang lalaki at ang isa naman ay isang batang babae. Sa loob ng maraming taon na ito, ang nakita ng mga tao ay hindi lamang ang Espiritu at hindi lamang isang tao, isang lalaki, kundi maraming bagay rin na hindi tugma sa mga kuru-kuro ng tao; sa gayon, hindi Ako lubos na naaarok ng mga tao kailanman. Patuloy silang naniniwala at nagdududa sa Akin—na para bang umiiral nga Ako, subalit isa rin Akong ilusyong panaginip—kaya nga, hanggang sa araw na ito, hindi pa rin alam ng mga tao kung ano ang Diyos. Talaga bang maibubuod mo Ako sa isang simpleng pangungusap? Talaga bang nangangahas kang sabihing, “Si Jesus ay walang iba kundi ang Diyos, at ang Diyos ay walang iba kundi si Jesus”? Napakatapang mo ba talaga para sabihing, “Ang Diyos ay walang iba kundi ang Espiritu, at ang Espiritu ay walang iba kundi ang Diyos”? Komportable ka bang sabihing, “Ang Diyos ay isang tao lamang na may katawang-tao”? May tapang ka ba talagang igiit na, “Ang larawan ni Jesus ay walang iba kundi ang dakilang larawan ng Diyos”? Nagagawa mo bang gamitin ang iyong kahusayan sa pagsasalita para ipaliwanag nang lubusan ang disposisyon at larawan ng Diyos? Nangangahas ka ba talagang sabihing, “Mga lalaki lamang ang nilikha ng Diyos, hindi mga babae, ayon sa Kanyang sariling larawan”? Kung sasabihin mo ito, walang babaeng mapapabilang sa Aking mga pinili, lalo nang hindi magiging isang klase ng katauhan ang mga babae. Ngayon talaga bang alam mo kung ano ang Diyos? Tao ba ang Diyos? Espiritu ba ang Diyos? Lalaki ba talaga ang Diyos? Si Jesus lamang ba ang maaaring kumumpleto sa gawaing Aking gagawin? Kung isa lamang ang pipiliin mo sa nasa itaas para ibuod ang Aking pinakadiwa, isa kang napakamangmang na tapat na mananampalataya. Kung gumawa Akong minsan bilang katawang-tao, at minsan lamang, lilimitahan kaya ninyo Ako? Nauunawaan ba ninyo talaga Ako nang lubusan sa isang sulyap lamang? Maibubuod mo ba talaga Ako nang ganap batay sa kung ano ang nalantad sa iyo sa buong buhay mo? Kung pareho ang gawaing ginawa Ko sa Aking dalawang pagkakatawang-tao, ano ang magiging tingin mo sa Akin? Hahayaan mo bang nakapako Ako sa krus magpakailanman? Maaari bang maging kasing-simple ng sinasabi mo ang Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Pagkaunawa Mo sa Diyos?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 206

Ang isang yugto ng gawain ng naunang dalawang kapanahunan ay isinakatuparan sa Israel, at ang isa ay isinakatuparan sa Judea. Sa pangkalahatan, alinman sa mga yugto ng gawaing ito ay hindi iniwan ang Israel, at bawat isa ay isinagawa sa unang mga taong hinirang. Dahil dito, naniniwala ang mga Israelita na ang Diyos na si Jehova ay Diyos lamang ng mga Israelita. Dahil gumawa si Jesus sa Judea, kung saan isinakatuparan Niya ang gawaing magpapako sa krus, ang tingin sa Kanya ng mga Hudyo ay Manunubos ng mga Hudyo. Akala nila ay Hari lamang Siya ng mga Hudyo, hindi ng sinumang iba pang mga tao; na hindi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Ingles, ni hindi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Amerikano, kundi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Israelita; at ang mga Hudyo ang tinubos Niya sa Israel. Sa totoo lang, ang Diyos ang Panginoon ng lahat ng bagay. Siya ang Diyos ng lahat ng nilikha. Hindi lamang Siya Diyos ng mga Israelita, ni ng mga Hudyo; Diyos Siya ng lahat ng nilikha. Ang naunang dalawang yugto ng Kanyang gawain ay naganap sa Israel, na nakalikha ng ilang kuru-kuro sa mga tao. Naniniwala sila na ginawa ni Jehova ang Kanyang gawain sa Israel, na si Jesus Mismo ang nagsakatuparan ng Kanyang gawain sa Judea, at, bukod pa rito, na Siya ay naging tao upang gumawa—at ano’t anuman, ang gawaing ito ay hindi na lumagpas pa sa Israel. Hindi gumawa ang Diyos sa mga taga-Ehipto o sa mga Indiano; gumawa lamang Siya sa mga Israelita. Sa gayon ay nakabuo ng iba-ibang kuru-kuro ang mga tao, at inilarawan ang gawain ng Diyos sa loob ng isang tiyak na saklaw. Sinasabi nila na kapag gumagawa ang Diyos, kailangan Niyang gawin iyon sa mga taong hinirang, at sa Israel; maliban sa mga Israelita, hindi na gumagawa ang Diyos sa iba, ni wala nang anumang mas malawak na saklaw ang Kanyang gawain. Napakahigpit nila pagdating sa pagpapasunod sa Diyos na nagkatawang-tao, at hindi nila Siya pinapayagang kumilos nang lagpas sa mga hangganan ng Israel. Hindi ba mga kuru-kuro lamang ng tao ang lahat ng ito? Ginawa ng Diyos ang buong kalangitan at lupa at lahat ng bagay, ginawa Niya ang lahat ng nilikha, kaya paano Niya lilimitahan ang Kanyang gawain sa Israel lamang? Kung magkagayon, ano ang silbi ng paglalang Niya sa lahat ng nilikha? Nilikha Niya ang buong mundo, at naisakatuparan Niya ang Kanyang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala hindi lamang sa Israel, kundi sa bawat tao sa sansinukob. Nakatira man sila sa Tsina, sa Estados Unidos, sa United Kingdom o sa Russia, bawat tao ay inapo ni Adan; lahat sila ay nilalang ng Diyos. Walang isa man sa kanila ang makakatakas sa mga hangganan ng paglikha, at wala ni isa sa kanila ang makakahiwalay sa tatak na “inapo ni Adan.” Lahat sila ay nilalang ng Diyos, at lahat sila ay supling ni Adan, at lahat sila ay mga tiwaling inapo rin nina Adan at Eba. Hindi lamang ang mga Israelita ang nilikha ng Diyos, kundi lahat ng tao; kaya lamang ay isinumpa na ang ilan, at napagpala ang ilan. Maraming kanais-nais na bagay tungkol sa mga Israelita; gumawa ang Diyos sa kanila sa simula dahil sila ang mga taong pinaka-hindi gaanong tiwali. Hindi maikukumpara ang mga Tsino sa kanila; napakababa nila. Kaya, gumawa ang Diyos sa mga tao ng Israel sa simula, at ang pangalawang yugto ng Kanyang gawain ay isinakatuparan lamang sa Judea—na humantong na sa pagkabuo ng maraming kuru-kuro at panuntunan sa tao. Sa katunayan, kung kikilos ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao, magiging Diyos lamang Siya ng mga Israelita, at sa gayon ay hindi Niya makakayang paabutin ang Kanyang gawain sa mga bansang Hentil, sapagkat magiging Diyos lamang Siya ng mga Israelita, at hindi Diyos ng lahat ng nilikha. Isinaad sa mga propesiya na ang pangalan ni Jehova ay magiging dakila sa mga bansang Hentil, na kakalat ito sa mga bansang Hentil. Bakit ito ipinropesiya? Kung ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, sa Israel lamang Siya gagawa. Bukod pa riyan, hindi Niya palalaganapin ang gawaing ito, at hindi Siya gagawa ng ganitong propesiya. Dahil ginawa nga Niya ang propesiyang ito, siguradong ipapaabot Niya ang Kanyang gawain sa mga bansang Hentil, sa bawat bansa at lahat ng lupain. Dahil sinabi Niya ito, kailangan Niyang gawin ito; ito ang Kanyang plano, sapagkat Siya ang Panginoon na lumikha sa kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at ang Diyos ng lahat ng nilikha. Gumagawa man Siya sa mga Israelita, o sa buong Judea, ang gawaing Kanyang ginagawa ay ang gawain ng buong sansinukob, at ang gawain ng buong sangkatauhan. Ang gawaing Kanyang ginagawa ngayon sa bansa ng malaking pulang dragon—sa isang bansang Hentil—ay gawain pa rin ng buong sangkatauhan. Maaaring ang Israel ang himpilan ng Kanyang gawain sa lupa; gayundin, maaaring ang Tsina ay himpilan din ng Kanyang gawain sa mga bansang Hentil. Hindi ba natupad na Niya ngayon ang propesiya na “ang pangalan ni Jehova ay magiging dakila sa mga bansang Hentil”? Ang unang hakbang ng Kanyang gawain sa mga bansang Hentil ay ang gawaing ito, ang gawaing Kanyang ginagawa sa bansa ng malaking pulang dragon. Salungat talaga sa mga kuru-kuro ng tao ang paggawa ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupaing ito, at ang paggawa sa mga isinumpang taong ito; sila ang mga taong pinakaaba sa lahat, wala silang halaga, at sa simula ay pinabayaan sila ni Jehova. Maaaring pabayaan ng mga tao ang ibang tao, ngunit kung pinabayaan sila ng Diyos, wala nang higit na walang katayuan, wala nang higit na mababa ang halaga. Para sa isang nilalang ng Diyos, ang maangkin ni Satanas o mapabayaan ng mga tao ay isang bagay na napakasakit—ngunit ang isang nilalang na pinabayaan ng Lumikha ay nangangahulugan na wala nang hihigit pa sa kanilang mababang katayuan. Ang mga inapo ni Moab ay isinumpa, at isinilang sila sa paurong na bansang ito; walang duda, sa lahat ng taong nasa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, ang mga inapo ni Moab ang may pinakamababang katayuan. Dahil ang mga taong ito ay may pinakamababang katayuan noon pa man, ang gawaing ginagawa sa kanila ang pinakamagaling na sumira sa mga kuru-kuro ng tao, at pinakakapaki-pakinabang din sa buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos. Ang paggawa ng gayong gawain sa mga taong ito ang pinakamainam na paraan ng pagsira sa mga kuru-kuro ng tao, at sa pamamagitan nito ay inilunsad ng Diyos ang isang kapanahunan; sa pamamagitan nito ay sinisira Niya ang lahat ng kuru-kuro ng tao; sa pamamagitan nito ay tinatapos Niya ang gawain ng buong Kapanahunan ng Biyaya. Ang Kanyang unang gawain ay isinakatuparan sa Judea, sa loob ng mga hangganan ng Israel; sa mga bansang Hentil, wala Siyang ginawang anumang gawain para maglunsad ng bagong kapanahunan. Ang huling yugto ng gawain ay hindi lamang isinasakatuparan sa mga Hentil, kundi lalo na sa mga taong isinumpa. Ang isang puntong ito ang katibayan na may pinakamalaking kakayahang pahiyain si Satanas, at sa gayon, ang Diyos ay “nagiging” Diyos ng lahat ng nilikha sa sansinukob, ang Panginoon ng lahat ng bagay, ang pakay ng pagsamba para sa lahat ng bagay na may buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos ang Panginoon ng Lahat ng Nilikha

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 207

Ngayon, may mga hindi pa rin nakakaunawa kung anong bagong gawain ang nasimulan ng Diyos. Sa mga bansang Hentil, nagpasimula na ang Diyos ng isang bagong panimula. Nagpasimula Siya ng isang bagong kapanahunan, at nagpasimula ng bagong gawain—at ginagampanan Niya ang gawaing ito sa mga inapo ni Moab. Hindi ba ito ang Kanyang pinakabagong gawain? Wala pang sinuman sa buong kasaysayan ang nakaranas ng gawaing ito kailanman. Ni wala pang nakarinig dito, lalo nang walang nagpahalaga rito. Ang karunungan, pagiging kamangha-mangha, pagiging di-maarok, kadakilaan, at kabanalan ng Diyos ay nakikitang lahat sa yugtong ito ng gawain, ang gawain sa mga huling araw. Hindi ba ito bagong gawain, gawaing sumisira sa mga kuru-kuro ng tao? May mga nag-iisip ng ganito: “Yamang isinumpa ng Diyos si Moab at sinabi na tatalikuran Niya ang mga inapo ni Moab, paano Niya sila maaaring iligtas ngayon?” Sila yaong mga Hentil na isinumpa ng Diyos at pinaalis sa Israel; tinawag sila ng mga Israelita na “mga asong Hentil.” Sa paningin ng lahat, hindi lamang sila mga asong Hentil, kundi mas masahol pa, mga anak ng pagkawasak; na ibig sabihin, hindi sila mga taong hinirang ng Diyos. Maaaring naisilang sila sa loob ng mga hangganan ng Israel, ngunit hindi sila kabilang sa mga tao ng Israel, at pinatalsik sila sa mga bansang Hentil. Sila ang pinakaaba sa lahat ng tao. Ito ay dahil mismo sa sila ang pinakaaba sa sangkatauhan kaya isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paglulunsad ng isang panibagong kapanahunan sa kanila, sapagkat kinakatawan nila ang tiwaling sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos ay namimili at may pinagtutuunan; ang gawaing Kanyang ginagawa sa mga taong ito ngayon ay gawain ding isinasagawa sa lahat ng nilikha. Si Noe ay isang nilalang ng Diyos, gayundin ang kanyang mga inapo. Sinuman sa mundo na may laman at dugo ay mga nilalang ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay nakatuon sa lahat ng nilikha; hindi ito nakasalalay sa kung isinumpa ang tao matapos silang likhain. Ang Kanyang gawaing pamamahala ay nakatuon sa lahat ng nilikha, hindi roon sa mga taong hinirang na hindi isinumpa. Dahil nais ng Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lahat ng Kanyang nilikha, tiyak na isasakatuparan Niya ito hanggang sa matagumpay na matapos, at gagawa Siya sa mga taong kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain. Samakatuwid, sinisira Niya ang lahat ng kalakaran kapag gumagawa Siya sa mga tao; para sa Kanya, ang mga salitang “isinumpa,” “kinastigo” at “pinagpala” ay walang kahulugan! Ang mga Hudyo ay mabuti, gayundin ang mga taong hinirang sa Israel; sila ay mga taong may mahusay na kakayahan at pagkatao. Sa simula, sa kanila inilunsad ni Jehova ang Kanyang gawain, at isinagawa ang Kanyang pinakaunang gawain—ngunit mawawalan ng kahulugan ang pagsasagawa ng gawain ng panlulupig sa kanila ngayon. Maaari din silang maging bahagi ng paglikha, at maaaring maraming positibo tungkol sa kanila, ngunit mawawalan ng silbi ang pagsasagawa ng yugtong ito ng gawain sa kanila; hindi malulupig ng Diyos ang mga tao, ni hindi Niya makukumbinsi ang lahat ng nilikha, na siya mismong layunin ng paglilipat ng Kanyang gawain sa mga taong ito sa bansa ng malaking pulang dragon. Ang may pinakamalaking kabuluhan dito ay ang Kanyang paglulunsad ng isang kapanahunan, ang Kanyang pagsira sa lahat ng panuntunan at lahat ng kuru-kuro ng tao at ang Kanyang pagtatapos ng gawain ng buong Kapanahunan ng Biyaya. Kung isinakatuparan ang Kanyang kasalukuyang gawain sa mga Israelita, kapag natapos na ang Kanyang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala, maniniwala ang lahat na ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, na ang mga Israelita lamang ang mga taong hinirang ng Diyos, na ang mga Israelita lamang ang karapat-dapat na magmana ng pagpapala at pangako ng Diyos. Isinasakatuparan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw sa bansang Hentil ng bayan ng malaking pulang dragon ang gawaing Diyos ay ang Diyos ng lahat ng nilikha; tinatapos Niya ang kabuuan ng Kanyang gawaing pamamahala, at winawakasan Niya ang pinakamahalagang bahagi ng Kanyang gawain sa bansa ng malaking pulang dragon. Ang buod ng tatlong yugto ng gawain ay ang pagliligtas sa tao—na, pasambahin sa Lumikha ang lahat ng nilikha. Sa gayon, may malaking kahulugan ang bawat yugto ng gawain; walang anumang ginagawa ang Diyos na walang kahulugan o halaga. Sa isang banda, pinasisimulan ng yugtong ito ng gawain ang isang bagong kapanahunan at winawakasan ang naunang dalawang kapanahunan; sa kabilang banda, sinisira nito ang lahat ng kuru-kuro ng tao at lahat ng lumang paraan ng paniniwala at kaalaman ng tao. Ang gawain ng naunang dalawang kapanahunan ay isinakatuparan ayon sa iba’t ibang mga kuru-kuro ng tao; gayunman, ganap na inaalis ng yugtong ito ang mga kuru-kuro ng tao, sa gayon ay lubos na nalulupig ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng paglupig sa mga inapo ni Moab, sa pamamagitan ng gawaing isinakatuparan sa mga inapo ni Moab, lulupigin ng Diyos ang lahat ng tao sa buong sansinukob. Ito ang pinakamalalim na kabuluhan ng yugtong ito ng Kanyang gawain, at ito ang pinakamahalagang aspeto ng yugtong ito ng Kanyang gawain. Kahit alam mo na ngayon na aba ang iyong sariling katayuan at na mababa ang iyong halaga, madarama mo pa rin na natagpuan mo na ang pinakamasayang bagay: Nagmana ka na ng isang malaking pagpapala, nagtamo ka na ng isang dakilang pangako, at makakatulong kang isakatuparan ang dakilang gawaing ito ng Diyos. Namasdan mo na ang tunay na mukha ng Diyos, alam mo ang likas na disposisyon ng Diyos, at ginagawa mo ang kalooban ng Diyos. Ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos ay isinakatuparan sa Israel. Kung isinakatuparan din ang yugtong ito ng Kanyang gawain sa mga huling araw sa mga Israelita, hindi lamang maniniwala ang lahat ng nilikha na ang mga Israelita lamang ang mga taong hinirang ng Diyos, kundi mabibigo rin ang buong plano ng pamamahala ng Diyos na makamit ang nais nitong epekto. Sa panahon kung kailan isinakatuparan ang dalawang yugto ng Kanyang gawain sa Israel, walang bagong gawain—ni walang anumang gawain ng paglulunsad ng isang bagong kapanahunan—na isinakatuparan sa mga bansang Hentil. Ang yugto ng gawain sa ngayon—ang gawain ng paglulunsad ng isang bagong kapanahunan—ay unang isinasakatuparan sa mga bansang Hentil, at, dagdag pa rito, isinakatuparan noong una sa mga inapo ni Moab, sa gayon ay inilulunsad nito ang buong kapanahunan. Sinisira ng Diyos ang anumang kaalamang nakapaloob sa mga kuru-kuro ng tao, na hindi tinutulutang manatili ang anuman dito. Sa Kanyang gawain ng panlulupig, sinira na Niya ang mga kuru-kuro ng tao, yaong mga luma at sinaunang paraan ng kaalaman ng tao. Hinahayaan Niyang makita ng mga tao na walang mga panuntunan sa Diyos, na walang anumang luma tungkol sa Diyos, na ang gawaing Kanyang ginagawa ay lubos na napalaya, lubos na malaya, at na tama Siya sa lahat ng Kanyang ginagawa. Kailangan mong lubos na magpasakop sa anumang gawaing Kanyang ginagawa sa mga nilikha. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay may kahulugan, at isinasakatuparan ayon sa Kanyang sariling kalooban at karunungan, at hindi ayon sa mga pagpili at kuru-kuro ng tao. Kung may anumang kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain, ginagawa Niya iyon; at kung may hindi kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain, hindi Niya iyon ginagawa, gaano man iyon kaganda! Gumagawa Siya at pumipili ng mga tatanggap at lugar ng Kanyang gawain alinsunod sa kahulugan at layunin ng Kanyang gawain. Hindi Siya kumakapit sa mga dating panuntunan, ni hindi Niya sinusunod ang mga lumang pamamaraan. Sa halip, ipinaplano Niya ang Kanyang gawain ayon sa kabuluhan ng gawain. Sa huli, matatamo Niya ang isang tunay na epekto at ang inaasam na layunin nito. Kung hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito ngayon, mawawalan ng epekto ang gawaing ito sa iyo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos ang Panginoon ng Lahat ng Nilikha

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 208

Gaano kalalaki ang mga hadlang sa gawain ng Diyos? May nakaalam na ba kahit kailan? Sa pagkakakulong ng mga tao sa malalang bahid ng pamahiin, sino’ng may kakayanang malaman ang totoong mukha ng Diyos? Sa paurong na kaalamang ito sa kultura na napakababaw at kakatwa, paano nila lubusang mauunawaan ang mga salitang sinabi ng Diyos? Kahit pa sila ay kinakausap nang harapan, at pinalulusog nang bibig sa bibig, paano sila makakaunawa? Kung minsan para bang ang mga salita ng Diyos ay hindi naririnig: Wala ni katiting na reaksyon ang mga tao, iniiling nila ang kanilang mga ulo at walang naiintindihan. Paanong hindi ito makababahala? Itong “malayong,[1] sinaunang kasaysayan ng kultura at kaalaman sa kultura” ay nakapag-alaga na ng gayong walang-kabuluhang pangkat ng mga tao. Itong sinaunang kultura—mahalagang pamana—ay isang bunton ng basura! Matagal na itong naging walang-katapusang kahihiyan, at hindi nararapat banggitin! Naturuan na nito ang mga tao ng mga pandaraya at mga pamamaraan ng pagsalungat sa Diyos, at ang “may kaayusan at mahinahong patnubay”[2] ng edukasyong pambansa ay nagawa na ang mga taong mas higit pang suwail sa Diyos. Bawat bahagi ng gawain ng Diyos ay napakahirap gawin, at bawat hakbang ng Kanyang gawain sa lupa ay nakakabalisa sa Diyos. Napakahirap ng gawain Niya sa lupa! Ang mga hakbang ng gawain ng Diyos sa lupa ay kinapapalooban ng matinding kahirapan: Ang kahinaan ng tao, mga kakulangan, pagiging isip-bata, kamangmangan, at lahat ng bagay ng tao, ay maingat na pinagpaplanuhan at masusing isinasaalang-alang ng Diyos. Ang tao ay parang isang tigreng papel na walang naglalakas-loob na painan o galitin; sa pinakabahagyang paghipo siya ay kaagad nangangagat, o kaya ay nahuhulog at naliligaw sa kanyang daan, at para bang, sa bahagyang pagkawala ng konsentrasyon, siya’y bumabalik sa dati, o kung hindi ay winawalang-bahala ang Diyos, o tumatakbo sa mga magulang niyang tulad ng mga baboy at aso upang magpakasawa sa maruming mga bagay ng kanilang mga katawan. Anong tinding hadlang! Sa halos bawat hakbang ng Kanyang gawain, sumasailalim sa tukso ang Diyos, at sa halos bawat hakbang ay nanganganib ang Diyos. Ang Kanyang mga salita ay taos-puso at tapat, at walang malisya, nguni’t sino ang handang tanggapin ang mga ito? Sino ang handang lubusang magpasakop? Dinudurog nito ang puso ng Diyos. Gumagawa Siya araw at gabi para sa tao, napupuno Siya ng pagkabalisa para sa buhay ng tao, at nahahabag Siya sa kahinaan ng tao. Nagtiis na Siya ng maraming mga pasikut-sikot sa bawat hakbang ng Kanyang gawain, sa bawat salita na sinasabi Niya; lagi Siyang nasa pagitan ng dalawang nag-uumpugang bato, at iniisip ang kahinaan ng tao, pagsuway, pagiging parang-bata, at kahinaan … sa lahat ng oras at nang paulit-ulit. Sino ang kailanma’y nakabatid na nito? Sino ang maaari Niyang pagtapatan? Sino ang makakayang makaunawa? Kailanman ay kinamumuhian Niya ang mga kasalanan ng tao, at ang kawalan ng gulugod, ang kawalan ng lakas ng loob ng tao, at kailanman Siya ay nag-aalala sa kahinaan ng tao, at pinag-iisipang mabuti ang landas na naghihintay sa tao. Laging, habang pinagmamasdan Niya ang mga salita at mga gawa ng tao, pinupuspos Siya ng awa, at galit, at ang makita ang mga bagay na ito ay laging nagdudulot ng pasakit sa Kanyang puso. Ang walang-muwang, matapos ang lahat, ay naging manhid na; bakit dapat laging pinahihirap ng Diyos ang mga bagay-bagay para sa kanila? Lubos na walang tiyaga ang taong mahina; bakit dapat laging may ganoong di-humuhupang galit ang Diyos tungo sa kanya? Wala ni munti mang sigla ang mahina at walang-kapangyarihang tao; bakit dapat lagi siyang pinagsasabihan ng Diyos dahil sa kanyang pagsuway? Sino ang makatatagal sa mga banta ng Diyos sa langit? Ang tao, matapos ang lahat, ay marupok, at dahil sa Kanyang desperadong kalagayan, nabaon na ng Diyos ang Kanyang galit nang malalim sa Kanyang puso, upang maaaring dahan-dahang makapagnilay ang tao sa kanyang sarili. Nguni’t ang tao, na nasa malubhang kaguluhan, ay wala ni bahagyang pagpapahalaga sa kalooban ng Diyos; niyurakan na siya ng mga paa ng matandang hari ng mga diyablo, nguni’t ganap na hindi niya namamalayan, palagi siyang sumasalungat sa Diyos, o kung hindi ay hindi mainit ni malamig tungo sa Diyos. Nakabigkas na ng maraming salita ang Diyos, nguni’t sino ang kailanman ay nagseryoso na sa mga ito? Hindi nauunawaan ng tao ang mga salita ng Diyos, gayunpaman nananatili siyang panatag, at walang matinding pananabik, hindi kailanman tunay na nakilala ang diwa ng matandang diyablo. Nakatira ang mga tao sa Hades, sa impiyerno, nguni’t naniniwala na nakatira sila sa palasyo sa pusod ng dagat; sila ay inuusig ng malaking pulang dragon, gayunpaman ang iniisip nila sa kanilang mga sarili ay ang “mapaboran”[3] ng bansa; kinukutya sila ng diyablo nguni’t iniisip na kanilang tinatamasa ang pinakamainam na sining ng laman. Anong pangkat ng mga marumi at abang mga hamak sila! Sinapit na ng tao ang kasawian, nguni’t hindi niya ito nalalaman, at sa madilim na lipunang ito ay nagdurusa ng sunud-sunod na sakuna,[4] datapwa’t hindi pa siya kailanman nagising dito. Kailan niya aalisin sa kanyang sarili ang kanyang kabaitan sa sarili at malaaliping disposisyon? Bakit sobra siyang walang malasakit sa puso ng Diyos? Tahimik ba niyang kinukunsinti ang pang-aapi at paghihirap na ito? Hindi ba niya inaasam ang araw na maaari niyang palitan ng liwanag ang kadiliman? Hindi ba niya inaasam na minsan pang malunasan ang mga kawalang-hustisya tungo sa katuwiran at katotohanan? Handa ba siyang manood nang walang ginagawa habang tinatalikdan ng tao ang katotohanan at binabaluktot ang mga katunayan? Masaya ba siyang patuloy na tiisin ang pagmamaltratong ito? Payag ba siyang maging alipin? Handa ba siyang mamatay sa mga kamay ng Diyos kasama ang mga alipin ng nabigong kalagayang ito? Nasaan ang iyong kapasyahan? Nasaan ang iyong ambisyon? Nasaan ang iyong dignidad? Nasaan ang iyong integridad? Nasaan ang iyong kalayaan? Handa ka bang ibigay ang iyong buong buhay[5] para sa malaking pulang dragon, ang hari ng mga diyablo? Masaya ka bang hayaan itong pahirapan ka hanggang kamatayan? Ang mukha ng kalaliman ay magulo at madilim, habang ang mga karaniwang tao, na nagdurusa ng matinding pasakit, ay umiiyak sa Langit at nagrereklamo sa lupa. Kailan maitataas ng tao ang kanyang ulo? Payat at buto’t balat ang tao, paano niya malalabanan itong malupit at abusadong diyablo? Bakit hindi niya ibinibigay ang kanyang buhay sa Diyos sa pinakamadaling panahong makakaya niya? Bakit nag-aalinlangan pa rin siya? Kailan niya matatapos ang gawain ng Diyos? Dahil walang-katuturang tinakot at inapi nang ganoon, ang kanyang buong buhay sa kahuli-hulihan ay magugugol sa walang-kabuluhan; bakit siya nagmamadaling dumating, at nagmamadaling umalis? Bakit hindi siya nagtatabi ng isang bagay na mahalaga upang ibigay sa Diyos? Nakalimutan na ba niya ang libu-libong taon ng poot?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8

Mga Talababa:

1. Ang “malayo” ay ginagamit nang patuya.

2. Ang “may kaayusan at mahinahong patnubay” ay ginagamit nang pakutya.

3. Ang “mapaboran” ay ginagamit upang tuyain ang mga taong parang blangko at walang kamalayan sa sarili.

4. Ang “nagdurusa ng sunud-sunod na sakuna” ay nagpapahiwatig na ang mga tao ay ipinanganak sa lupain ng malaking pulang dragon, at hindi nila kayang itaas ang kanilang mga ulo.

5. Ang “ibigay ang iyong buong buhay” ay ipinapakahulugan sa paraang mapanirang-puri.


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 209

Ang landas ng kasalukuyan ay hindi madaling lakaran. Maaaring sabihin na ito ay mahirap na kamtin, at labis na pambihira sa lahat ng mga kapanahunan. Gayunpaman, sinong makakaisip na ang laman ng tao lamang ay sapat na upang wasakin siya? Ang gawain ngayon ay tiyak na kasinghalaga ng ulan sa tagsibol, at kasinghalaga ng kabaitan ng Diyos sa tao. Gayunpaman, kung hindi nalalaman ng tao ang layunin ng Kanyang kasalukuyang gawain o nauunawaan ang diwa ng sangkatauhan, paano maaaring pag-usapan ang kahalagahan at pagiging mamahalin nito? Ang laman ay hindi nabibilang sa mga tao mismo, kaya walang nakakakita nang malinaw kung saan ang aktwal na magiging hantungan nito. Gayunpaman, dapat mong malamang mabuti na ibabalik ng Panginoon ng sangnilikha ang sangkatauhan, na nilikha, sa kanilang orihinal na katayuan, at panunumbalikin ang kanilang orihinal na larawan mula sa panahon ng kanilang paglikha. Ganap Niyang kukuning muli ang hininga na Kanyang inihinga sa tao, na aangking muli sa kanyang mga buto at laman at magsasauli lahat sa Panginoon ng sangnilikha. Ganap Niyang papagbaguhing-anyo at papanibaguhin ang sangkatauhan at kukuning muli mula sa tao ang buong pamana ng Diyos na hindi sa sangkatauhan, kundi pag-aari ng Diyos, at hindi na kailanman muling ibibigay ito sa sangkatauhan. Ito ay dahil wala sa alinman sa mga bagay na iyon ay orihinal na pag-aari ng sangkatauhan. Babawiin Niyang lahat ang mga ito—hindi ito isang di-makatarungang pandarambong; bagkus, ito ay naglalayon na panumbalikin ang langit at lupa sa kanilang orihinal na mga kalagayan, gayundin ay papagbaguhing-anyo at panibaguhin ang tao. Ito ang makatwirang hantungan ng tao, bagama’t marahil hindi ito magiging isang muling-paglalaan ng laman pagkatapos na ito ay nakastigo, gaya ng maaaring iniisip ng mga tao. Hindi nais ng Diyos ang mga kalansay ng laman pagkatapos ng pagkasira nito; nais Niya ang orihinal na mga elemento sa tao na pag-aari ng Diyos sa pasimula. Kaya, hindi Niya pupuksain ang sangkatauhan o ganap na wawasakin ang laman ng tao, dahil ang laman ng tao ay hindi niya pribadong pag-aari. Sa halip, ito ay ang dagdag ng Diyos, na namamahala sa sangkatauhan. Paano Niya mapupuksa ang laman ng tao para sa Kanyang “kasiyahan”? Sa ngayon, talaga bang nabitawan mo na ang kabuuan ng laman mong iyan, na hindi man lamang nagkakahalaga ng isang sentimo? Kung nauunawaan mo ang tatlumpung porsiyento ng gawain ng mga huling araw (itong tatlumpung porsiyento lamang ay nangangahulugan ng pag-unawa ng gawain ng Banal na Espiritu ngayon pati na rin ang gawain ng salita na ginagawa ng Diyos sa mga huling araw), hindi ka patuloy na “maglilingkod” o “magiging anak” sa iyong laman—laman na nagawa nang tiwali sa loob ng maraming taon—kagaya ng sitwasyon ngayon. Dapat mong makita nang malinaw na ang mga tao ay nakasulong na ngayon sa isang hindi pa kailanman narating na kalagayan, at hindi na magpapatuloy na gumulong pasulong tulad ng mga gulong ng kasaysayan. Ang iyong inaamag na laman ay matagal nang napuno ng mga langaw, kaya paano ito magkakaroon ng kapangyarihan na baligtarin ang mga gulong ng kasaysayan na hinayaan ng Diyos na magpatuloy hanggang sa araw na ito? Paano nito magagawang patiktiking muli ang orasan ng mga huling araw na tahimik na tumitiktik, at patuloy na paikutin ang mga kamay nito nang pakanan? Paano nito muling mapagbabagong-anyo ang mundo na mukhang nalambungan ng makapal na hamog? Maaari bang muling pasiglahin ng iyong laman ang mga bundok at mga ilog? Kaya ba ng iyong laman, na kaunti lamang ang silbi, na talagang panumbaliking muli ang uri ng mundo ng tao na iyong ninanais? Kaya mo ba talagang turuan ang iyong mga inapo na maging “mga tao”? Nauunawaan mo na ba ngayon? Ano ang eksaktong kinabibilangan ng iyong laman? Ang orihinal na intensyon ng Diyos para iligtas ang tao, para gawing perpekto ang tao, at para baguhing-anyo ang tao ay hindi upang bigyan ka ng magandang lupang tinubuan o maghatid ng mapayapang kapahingahan sa laman ng tao; ito ay alang-alang sa Kanyang kaluwalhatian at Kanyang patotoo, para sa mas mabuting kasiyahan ng sangkatauhan sa hinaharap, at upang sila ay makapagpahinga sa lalong madaling panahon. Hindi rin ito para sa iyong laman, dahil ang tao ang puhunan ng pamamahala ng Diyos, at ang laman ng tao ay dagdag lamang. (Ang tao ay isang bagay na may kapwa espiritu at katawan, samantalang ang laman ay isa lamang bagay na nabubulok. Ito ay nangangahulugan na ang laman ay isang kasangkapan para gamitin sa plano ng pamamahala.) Dapat mong malaman na ang pagpeperpekto, paggawang ganap, at pagkakamit ng Diyos sa mga tao ay walang inihahatid kundi mga espada at paghampas sa kanilang laman, gayundin ang walang-katapusang pagdurusa, mapaminsalang pagsusunog, walang-habag na paghatol, pagkastigo, at mga sumpa, at walang-hangganang mga pagsubok. Gayon ang napapaloob na kasaysayan at katotohanan ng gawain ng pamamahala sa tao. Gayunpaman, ang lahat ng bagay na ito ay nakatuon sa laman ng tao, at lahat ng talim ng poot ay walang-awang nakatutok sa laman ng tao (dahil ang tao ay walang sala). Ang lahat ng ito ay para sa kapakanan ng Kanyang kaluwalhatian at patotoo, at para sa Kanyang pamamahala. Ito ay dahil sa ang Kanyang gawain ay hindi lamang para sa kapakanan ng sangkatauhan, kundi para rin sa buong plano, gayundin ay upang tuparin ang Kanyang orihinal na kalooban nang Kanyang nilikha ang sangkatauhan. Kaya, marahil siyamnapung porsiyento ng dinaranas ng mga tao ay kinapapalooban ng mga pagdurusa at mga pagsubok ng apoy, at napakakaunti, o baka wala pa nga, ng matatamis at masasayang araw na ninanais ng laman ng tao. Lalo nang hindi nakakapagtamasa ang tao ng masasayang sandali sa laman, sa paggugol ng magagandang panahon sa piling ng Diyos. Ang laman ay marumi, kaya ang nakikita o tinatamasa ng laman ng tao ay walang iba kundi ang pagkastigo ng Diyos na hindi kinalulugdan ng tao, na para bang kulang ito sa normal na katinuan. Ito ay dahil ipamamalas ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi pinapaboran ng tao, hindi Siya kumukunsinti sa mga pagkakasala ng tao, at napopoot Siya sa mga kaaway. Lantarang ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon sa pamamagitan ng anumang paraan na kailangan, sa gayong paraan ay tinatapos ang gawain ng Kanyang anim na libong taong pakikipaglaban kay Satanas—ang gawain ng pagliligtas sa buong sangkatauhan at ng pagwasak sa sinaunang Satanas!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Layunin ng Pamamahala sa Sangkatauhan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 210

Sumapit na ang mga huling araw at nagkakagulo ang mga bansa sa buong mundo. May kaguluhan sa pulitika, may mga taggutom, salot, baha, at tagtuyot na naglilitawan sa lahat ng dako. May malaking sakuna sa mundo ng tao; nagpadala na rin ng kalamidad ang Langit. Ito ay mga palatandaan ng mga huling araw. Ngunit para sa mga tao, tila isang mundo ito ng saya at karingalan; lalo’t lalo itong nagiging gayon, naaakit dito ang puso ng lahat ng tao, at maraming taong nabitag at hindi mapalaya ang kanilang sarili mula rito; napakaraming malilinlang ng mga nakikibahagi sa pandaraya at salamangka. Kung hindi ka magpupunyaging umunlad, wala kang mga mithiin, at hindi ka nakaugat sa tunay na daan, matatangay ka ng lumalaking mga alon ng pagkakasala. Ang Tsina ang pinakapaurong sa lahat ng bansa; ito ang lupain kung saan nakapulupot ang malaking pulang dragon, narito ang pinakamaraming taong sumasamba sa mga diyus-diyusan at nakikibahagi sa salamangka, may pinakamaraming templo, at ito ang lugar kung saan naninirahan ang maruruming demonyo. Isinilang ka nito, tinuruan nito at nakalubog sa impluwensya nito; nagawa ka nitong tiwali at pinahirapan nito, ngunit nang magising ka ay tinalikuran mo ito at lubos kang naangkin ng Diyos. Ito ang kaluwalhatian ng Diyos, at ito ang dahilan kaya ang yugtong ito ng gawain ay may malaking kabuluhan. Nakagawa ang Diyos ng napakalawak na gawain, nakasambit ng napakaraming salita, at sa huli ay lubos Niya kayong makakamit—ito ay isang bahagi ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at kayo ang “mga samsam ng tagumpay” ng pakikibaka ng Diyos kay Satanas. Habang lalo ninyong nauunawaan ang katotohanan at napapabuti ang inyong buhay sa iglesia, lalong napapanikluhod ang malaking pulang dragon. Lahat ng ito ay mga bagay ng espirituwal na mundo—ito ang mga pakikibaka ng espirituwal na mundo, at kapag nagtagumpay ang Diyos, mapapahiya at babagsak si Satanas. Ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay may napakalaking kabuluhan. Gumagawa ang Diyos nang gayon kalawak at lubos na inililigtas ang grupong ito ng mga tao upang makatakas ka mula sa impluwensya ni Satanas, manirahan sa bayang banal, mabuhay sa liwanag ng Diyos, at mapamunuan at mapatnubayan ng liwanag. Kung gayon ay may kahulugan ang iyong buhay. Ang inyong kinakain at isinusuot ay kaiba sa mga hindi mananampalataya; tinatamasa ninyo ang mga salita ng Diyos at nabubuhay nang makahulugan—at ano ang kanilang tinatamasa? Tinatamasa lamang nila ang “pamana ng kanilang mga ninuno” at ang kanilang “diwa ng bansa.” Wala sila ni katiting na bakas ng pagkatao! Lahat ng inyong damit, salita, at kilos ay naiiba sa kanila. Sa bandang huli, lubos ninyong matatakasan ang karumihan, hindi na kayo mabibitag sa tukso ni Satanas, at magtatamo kayo ng araw-araw na panustos ng Diyos. Dapat kayong maging maingat palagi. Bagama’t nabubuhay kayo sa isang maruming lugar, wala kayong bahid ng karumihan at maaaring mabuhay sa tabi ng Diyos, na tumatanggap ng Kanyang dakilang proteksyon. Hinirang kayo ng Diyos mula sa lahat lahat ng tao sa dilaw na lupaing ito. Hindi ba kayo ang pinakamapalad na mga tao? Isa kang nilalang—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at mamuhay nang makahulugan. Kung hindi mo sasambahin ang Diyos kundi mamumuhay ka ayon sa iyong maruming laman, hindi ba isang hayop ka lamang na nakasuot ng damit ng tao? Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Sa mundong ito, isinusuot ng tao ang damit ng diyablo, kinakain ang pagkaing nagmumula sa diyablo, at gumagawa at naglilingkod sa ilalim ng impluwensya ng diyablo, ganap na natatapakan sa karumihan nito. Kung hindi mo nauunawaan ang kahulugan ng buhay o natatamo ang tunay na daan, ano ang kabuluhan sa pamumuhay nang ganito? Kayo ay mga taong patuloy na naghahanap sa tamang landas, yaong mga naghahangad ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 2

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 211

Ngayon, ang gawaing Aking ginagawa sa inyo ay para akayin kayo sa isang buhay ng normal na pagkatao; ito ang gawain ng paghahatid ng isang bagong kapanahunan at pag-aakay sa sangkatauhan tungo sa buhay ng bagong kapanahunan. Sa paisa-isang hakbang, ang gawaing ito ay isinasakatuparan at nabubuo sa inyo, nang direkta: Tinuturuan Ko kayo nang harapan; hinahawakan Ko kayo sa kamay; sinasabi Ko sa inyo ang anumang hindi ninyo nauunawaan, ipinagkakaloob sa inyo ang anumang wala kayo. Masasabi na, para sa inyo, lahat ng gawaing ito ay ang inyong panustos sa buhay, ginagabayan din kayo tungo sa isang buhay ng normal na pagkatao; ang layon nito sa partikular ay magkaloob ng pantustos para sa buhay ng grupong ito ng mga tao sa panahon ng mga huling araw. Para sa Akin, lahat ng gawaing ito ay para wakasan ang lumang kapanahunan at simulan ang isang bagong kapanahunan; patungkol kay Satanas, naging tao Ako para daigin ito mismo. Ang gawaing ginagawa Ko sa gitna ninyo ngayon ay panustos ninyo para ngayon at para sa inyong napapanahong kaligtasan, nguni’t sa panahon nitong ilang maiikling taon, sasabihin Ko sa inyo ang lahat ng katotohanan, ang buong daan ng buhay, at maging ang gawain sa hinaharap; magiging sapat ito para bigyang-kakayahan kayo na maranasan nang normal ang mga bagay sa hinaharap. Lahat lamang ng Aking salita ang naipagkatiwala Ko sa inyo. Wala na Akong iba pang ipinapangaral; ngayon, lahat ng salitang sinasambit Ko sa inyo ay siyang pangaral Ko sa inyo, dahil ngayon ay wala kayong karanasan sa marami sa mga salitang Aking sinasambit, at hindi nauunawaan ang mas napapaloob na kahulugan ng mga ito. Balang araw, magbubunga ang inyong mga karanasan tulad ng nasabi ko ngayon. Ang mga salitang ito ay mga pangitain ninyo sa ngayon, at ang mga ito ay siya ninyong aasahan sa hinaharap; ang mga ito ay panustos sa buhay ngayon at isang pangaral para sa hinaharap, at wala nang ibang pangaral na mas gagaling pa. Iyan ay dahil ang panahon na mayroon Ako para gumawa sa lupa ay hindi kasinghaba ng panahon na mayroon kayo para maranasan ang Aking mga salita; kinukumpleto Ko lamang ang Aking gawain, samantalang kayo ay naghahabol sa buhay, isang proseso na kinapapalooban ng mahabang paglalakbay sa buhay. Matapos ninyong maranasan ang maraming bagay, saka lamang ninyo lubos na matatamo ang daan ng buhay; saka lamang ninyo maaaninag ang kahulugang nakapaloob sa mga salitang sinasambit Ko ngayon. Kapag taglay ninyo ang Aking mga salita sa inyong mga kamay, kapag natanggap na ng bawa’t isa sa inyo ang lahat ng Aking tagubilin, kapag naiatas Ko na sa inyo ang lahat ng kailangan Kong iatas, at kapag nagwakas na ang gawain ng mga salita, gaano man kalaki ang naging epekto nito, maipapatupad na rin ang kalooban ng Diyos. Hindi iyon katulad ng iniisip mo, na dapat kang mabago hanggang sa isang punto; hindi kumikilos ang Diyos ayon sa iyong mga kuru-kuro.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 7

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 212

Sa mga huling araw, ang Diyos ay naging tao upang gawin ang gawain na kailangan Niyang gawin at upang gampanan ang Kanyang ministeryo ng mga salita. Personal Siyang pumarito upang gumawa sa gitna ng mga tao na may mithiing gawing perpekto ang mga taong kapareho Niya ang saloobin. Mula noong panahon ng paglikha hanggang ngayon, sa mga huling araw lamang Niya naisagawa ang ganitong klaseng gawain. Sa mga huling araw lamang nagkatawang-tao ang Diyos upang gawin ang gayong kalaking gawain. Bagama’t nagtititiis Siya ng mga paghihirap na mahihirapang tiisin ng mga tao, at bagama’t Siya ay isang dakilang Diyos na may kababaang-loob na maging isang karaniwang tao, walang aspeto ng Kanyang gawain ang naantala, at ang Kanyang plano ay hindi nagulo kahit kaunti. Ginagawa Niya ang gawain alinsunod sa Kanyang orihinal na plano. Ang isa sa mga layunin ng pagkakatawang-taong ito ay para lupigin ang mga tao, ang isa pa ay para gawing perpekto ang mga taong Kanyang iniibig. Hinahangad Niyang makita ng Kanyang sariling mga mata ang mga taong Kanyang pineperpekto, at nais Niyang makita Niya Mismo kung paanong nagpapatotoo para sa Kanya ang mga taong Kanyang pineperpekto. Hindi isa o dalawang tao ang pineperpekto. Sa halip, isa itong grupo, na binubuo lamang ng iilang tao. Ang mga tao sa grupong ito ay nagmumula sa iba’t ibang bansa sa mundo, at nagmumula sa iba’t ibang nasyonalidad sa mundo. Ang layon ng paggawa ng napakaraming gawain ay para matamo ang grupong ito ng mga tao, upang matamo ang patotoo ng grupong ito ng mga tao para sa Kanya, at para makamit ang kaluwalhatiang makukuha Niya mula sa kanila. Hindi Siya gumagawa ng gawain nang walang kabuluhan, ni hindi Siya gumagawa ng gawaing walang halaga. Masasabi na, sa paggawa ng napakaraming gawain, ang layon ng Diyos ay ang gawing perpekto ang lahat ng nais Niyang gawing perpekto. Sa anumang bakanteng oras Niya sa labas nito, aalisin Niya yaong masasama. Dapat ninyong malaman na hindi Niya ginagawa ang dakilang gawaing ito dahil sa yaong masasama; bagkus, ibinibigay Niya ang lahat Niya dahil sa kakaunting tao na Kanyang gagawing perpekto. Ang gawaing Kanyang ginagawa, ang mga salitang Kanyang sinasabi, ang mga hiwagang Kanyang ibinubunyag, at ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay pawang para sa kapakanan ng kakaunting tao na iyon. Hindi Siya naging tao dahil sa yaong masasama, at lalong hindi nila Siya nauudyukang magalit nang husto. Sinasabi Niya ang katotohanan, at nagsasalita tungkol sa pagpasok, dahil sa mga gagawing perpekto; Siya ay naging tao dahil sa kanila, at dahil sa kanila kaya Niya ipinagkakaloob ang Kanyang mga pangako at pagpapala. Ang katotohanan, pagpasok, at buhay sa pagiging tao na Kanyang sinasabi ay hindi pinagsisikapan para sa kapakanan niyaong masasama. Nais Niyang iwasang kausapin yaong masasama, sa halip ay nais Niyang ipagkaloob ang lahat ng katotohanan sa mga yaon na gagawing perpekto. Subalit kinakailangan ng Kanyang gawain na, pansamantala, tulutan yaong masasama na magtamasa ng ilan sa Kanyang mga kayamanan. Yaong mga hindi isinasagawa ang katotohanan, hindi binibigyang-kasiyahan ang Diyos, at ginagambala ang Kanyang gawain ay pawang masasama. Hindi sila magagawang perpekto, at kinasusuklaman at itinatakwil sila ng Diyos. Sa kabilang dako, ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan at nabibigyang-kasiyahan ang Diyos at ginugugol ang kanilang buong sarili sa gawain ng Diyos ang mga taong gagawing perpekto ng Diyos. Yaong mga nais gawing ganap ng Diyos ay walang iba kundi ang grupong ito ng mga tao, at ang gawaing ginagawa ng Diyos ay para sa kapakanan ng mga taong ito. Ang katotohanang Kanyang sinasabi ay para sa mga taong handang isagawa ito. Hindi Siya nakikipag-usap sa mga taong hindi isinasagawa ang katotohanan. Ang pag-iibayo ng kabatiran at paglago ng pagkahiwatig na Kanyang sinasabi ay nakatuon sa mga taong maisasagawa ang katotohanan. Kapag nagsasalita Siya tungkol sa mga yaong gagawing perpekto, ang mga taong ito ang sinasabi Niya. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay nakatuon sa mga taong handang magsagawa ng katotohanan. Ang mga bagay na kagaya ng pagkakaroon ng karunungan at pagkatao ay nakatuon sa mga taong handang isagawa ang katotohanan. Yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay maaaring makarinig ng maraming salita ng katotohanan, ngunit dahil likas na napakasama nila at hindi sila interesado sa katotohanan, ang nauunawaan lamang nila ay mga doktrina at salita at hungkag na mga teorya, na wala ni katiting na halaga para sa kanilang pagpasok sa buhay. Walang isa man sa kanila ang tapat sa Diyos; silang lahat ay mga taong nakikita ang Diyos ngunit hindi Siya makamit; lahat sila ay isinumpa ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaon Lamang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 213

Ang pangunahing layunin ng gawain ng paglupig ay linisin ang sangkatauhan upang matamo ng tao ang katotohanan, dahil kakatiting ang katotohanang nauunawaan ng tao! Ang paggawa ng gawain ng paglupig sa mga taong tulad nito ay may pinakamalalim na kabuluhan. Kayong lahat ay nahulog sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman at labis na nasaktan. Ang layunin ng gawaing ito, kung gayon, ay bigyang-kakayahan kayo na makilala ang kalikasan ng tao at sa pamamagitan noon ay maipamuhay ang katotohanan. Ang magawang perpekto ay isang bagay na dapat tanggapin ng lahat ng nilalang. Kung ang gawain ng yugtong ito ay kinapapalooban lamang ng pagpeperpekto sa mga tao, kung gayon maaari itong magawa sa Britain, o sa America, o sa Israel; maaari itong magawa sa mga tao ng anumang bansa. Ngunit ang gawain ng paglupig ay namimili. Ang unang hakbang ng gawain ng paglupig ay panandalian lamang; higit pa rito, ito ay gagamitin upang hiyain si Satanas at lupigin ang buong sansinukob. Ito ang panimulang gawain ng paglupig. Maaaring sabihin na sinumang nilalang na naniniwala sa Diyos ay magagawang perpekto dahil ang maging perpekto ay isang bagay na makakamit lamang pagkatapos ng mahabang-panahong pagbabago. Ngunit ang malupig ay iba. Ang ispesimen at modelo na lulupigin ay dapat na siyang pinakanahuhuli sa lahat, namumuhay sa pinakamalalim na kadiliman; sila dapat ang pinakamababa, ang pinakaayaw na kumilala sa Diyos, at ang pinakasuwail sa Diyos. Ito mismo ang uri ng tao na makakapagpatotoo sa pagkalupig. Ang pangunahing layunin ng gawain ng paglupig ay talunin si Satanas, habang ang pangunahing layunin ng pagpeperpekto sa mga tao ay ang magtamo ng mga tao. Isinagawa rito ang gawain ng paglupig, sa mga taong katulad ninyo, upang bigyang-kakayahan ang mga tao na magkaroon ng patotoo pagkatapos na malupig. Ang layunin ay upang magpatotoo ang mga tao pagkatapos na malupig. Ang nalupig na mga taong ito ay gagamitin upang makamit ang layunin ng pagpapahiya kay Satanas. Kaya, ano ang pangunahing paraan ng paglupig? Pagkastigo, paghatol, pagsumpa, at pagbubunyag—gamit ang matuwid na disposisyon upang lupigin ang mga tao nang sa gayon sila ay lubusang mapapaniwala dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang gamitin ang realidad at awtoridad ng salita upang lupigin ang mga tao at lubusan silang mapaniwala—ito ang kahulugan ng pagkalupig. Sila na nagawa nang perpekto ay hindi lamang kayang magsagawa ng pagsunod pagkatapos na malupig, kundi nakakaya rin nilang magkaroon ng kaalaman sa gawain ng paghatol, baguhin ang kanilang disposisyon, at kilalanin ang Diyos. Nararanasan nila ang landas ng pagmamahal sa Diyos, at napupuspos ng katotohanan. Natututuhan nila kung paano danasin ang gawain ng Diyos, kayanin na magdusa para sa Diyos, at magkaroon ng kanilang sariling mga kalooban. Ang mga nagawang perpekto ay sila na may taglay na tunay na pagkaunawa ng katotohanan, salamat sa pagkakaranas ng salita ng Diyos. Ang mga nalupig ay sila na nakakaalam ng katotohanan ngunit hindi pa natatanggap ang tunay na kahulugan ng katotohanan. Pagkatapos malupig, sila ay sumusunod, ngunit ang lahat ng kanilang pagsunod ay bunga ng paghatol na kanilang tinanggap. Sila ay lubos na walang pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng maraming katotohanan. Kinikilala nila ang katotohanan sa kanilang pagsasalita, ngunit hindi pa nila napasok ang katotohanan; nauunawaan nila ang katotohanan, ngunit hindi pa nila naranasan ang katotohanan. Ang isinasagawa sa kanila na ginagawang perpekto ay kinapapalooban ng mga pagkastigo at mga paghatol, kasama ang pagkakaloob ng buhay. Ang isang tao na nagpapahalaga sa pagpasok sa katotohanan ay isang tao na gagawing perpekto. Ang pagkakaiba sa pagitan ng mga gagawing perpekto at ng mga lulupigin ay nakasalalay sa pagpasok nila sa katotohanan. Silang mga nagawang perpekto ay nakakaunawa sa katotohanan, nakapasok sa katotohanan, at ipinamumuhay ang katotohanan; sila na hindi nakakaunawa sa katotohanan at hindi pumapasok sa katotohanan, ibig sabihin, sila na hindi ipinamumuhay ang katotohanan, ay mga tao na hindi maaaring magawang perpekto. Kung nakakaya ngayon ng mga taong tulad nito na sumunod nang ganap, kung gayon sila ay nalupig. Kung ang nalupig ay hindi naghahanap sa katotohanan—kung sumusunod sila ngunit hindi ipinamumuhay ang katotohanan, kung nakikita nila at naririnig ang katotohanan ngunit hindi pinahahalagahan ang pamumuhay ng katotohanan—kung gayon ay hindi sila maaaring magawang perpekto. Ang mga taong gagawing perpekto ay nagsasagawa ng katotohanan ayon sa mga hinihingi ng Diyos sa landas tungo sa pagkaperpekto. Sa pamamagitan nito, tinutupad nila ang kalooban ng Diyos, at sila ay nagagawang perpekto. Sinumang sumusunod hanggang sa wakas bago matapos ang gawain ng paglupig ay isang nalupig, ngunit hindi masasabing siya ay ginawang perpekto. “Ang mga nagawang perpekto” ay tumutukoy sa kanila na kayang magsumikap para sa katotohanan at makamit ng Diyos pagkatapos ng gawain ng paglupig. Tumutukoy ito sa kanila na tumatayong matatag sa kapighatian at isinasabuhay ang katotohanan makalipas ang pagtatapos ng gawain ng paglupig. Ang pagkakaiba ng pagkalupig mula sa pagiging nagawang perpekto ay pagkakaiba sa mga hakbang ng paggawa at pagkakaiba sa antas ng pag-unawa at pagpasok ng mga tao sa katotohanan. Silang lahat na wala sa landas tungo sa pagpeperpekto, ibig sabihin sila na hindi nagtataglay ng katotohanan, sa kahuli-hulihan ay maaalis pa rin. Tanging sila lamang na may angking katotohanan at ipinamumuhay ang katotohanan ang maaaring ganap na makamit ng Diyos. Ibig sabihin, sila na nagsasabuhay ng larawan ni Pedro ay ang mga nagawang perpekto, samantalang lahat ng iba ay mga nalupig. Ang isinasagawa sa kanilang lahat na nilulupig ay binubuo lamang ng mga pagsumpa, pagkastigo, at pagpapakita ng poot, at ang dumarating sa kanila ay katuwiran at mga sumpa. Ang paggawa sa gayong tao ay ang magbunyag nang walang seremonya o paggalang—ang magbunyag ng tiwaling disposisyon sa kalooban nila nang sa gayon ay makilala nila ito sa kanilang sarili at lubusang mapapaniwala. Sa sandaling ang tao ay nagiging ganap na masunurin, ang gawain ng paglupig ay nagtatapos. Kahit na ang karamihan sa mga tao ay hindi pa rin naghahangad na maunawaan ang katotohanan, ang gawain ng paglupig ay matatapos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 214

Paano ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Ano ang disposisyon ng Diyos? At ano ang napapaloob sa Kanyang disposisyon? Para linawin ang lahat ng bagay na ito: tinatawag ito ng isa na pagpapalaganap ng pangalan ng Diyos, tinatawag ito ng isa na pagpapatotoo sa Diyos, at tinatawag ito ng isa na pagpuri sa Diyos. Ang tao, batay sa pundasyon ng pagkilala sa Diyos, sa huli ay nagbabago sa kanyang disposisyon sa buhay. Kapag mas nagdaraan sa pakikitungo at pagpipino ang tao, mas sumisigla siya; kapag mas marami ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, mas nagagawang perpekto ang tao. Ngayon, sa karanasan ng tao, bawat hakbang ng gawain ng Diyos ay ganti sa kanyang mga kuru-kuro, at lahat ay lampas sa pag-iisip ng tao at hindi niya inaasahan. Inilalaan ng Diyos ang lahat ng pangangailangan ng tao, at sa bawat aspeto ay hindi ito umaayon sa kanyang mga kuru-kuro. Binibigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita sa oras ng iyong kahinaan; sa ganitong paraan lamang Niya matutustusan ang iyong buhay. Sa pagganti sa iyong mga kuru-kuro, pinatatanggap Niya sa iyo ang pakikitungo ng Diyos; sa ganitong paraan mo lamang maaalis sa iyong sarili ang iyong katiwalian. Ngayon, gumagawa ang Diyos na nagkatawang-tao sa katayuan ng pagka-Diyos sa isang aspeto, ngunit sa isa pang aspeto ay gumagawa Siya sa katayuan ng normal na pagkatao. Kapag hindi mo na tinatanggihan ang anumang gawain ng Diyos, kapag nagagawa mong magpasakop anuman ang sinasabi o ginagawa ng Diyos sa katayuan ng normal na pagkatao, kapag nagagawa mong magpasakop at umunawa anumang klase ng normalidad ang Kanyang ipinapakita, at kapag nagtamo ka na ng aktwal na karanasan, saka ka lamang makatitiyak na Siya ang Diyos, saka ka lamang titigil sa pagbubuo ng mga kuru-kuro, at saka ka lamang makakasunod sa Kanya hanggang wakas. May karunungan sa gawain ng Diyos, at alam Niya kung paano maaaring manindigan ang tao sa pagpapatotoo sa Kanya. Alam Niya kung nasaan ang malaking kahinaan ng tao, at ang mga salitang Kanyang sinasambit ay maaari kang patamaan sa iyong malaking kahinaan, ngunit ginagamit din Niya ang Kanyang marilag at matalinong mga salita upang ikaw ay manindigan sa pagpapatotoo sa Kanya. Ganyan ang mahimalang mga gawa ng Diyos. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay hindi maiisip ng katalinuhan ng tao. Kung anong klaseng katiwalian ang taglay ng tao, na may laman, at ano ang bumubuo sa diwa ng tao—lahat ng ito ay inihahayag sa pamamagitan ng paghatol ng Diyos, na iniiwan ang tao na walang mapagtaguan dahil sa kanyang kahihiyan.

Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng kaalaman tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nagpapalampas ng pagkakasala, at ni hindi niya mapapalitan ng bago ang dati niyang pagkakilala sa Diyos. Alang-alang sa Kanyang patotoo, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, ipinapakita Niya ang Kanyang kabuuan sa publiko, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa publiko, na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, baguhin ang kanyang disposisyon, at magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at maging kaayon ng puso ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at halimbawa ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong kaayon ng puso ng Diyos. Ngayon, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at hinihiling Niya sa tao na magkamit ng kaalaman tungkol sa Kanya, pagsunod sa Kanya, patotoo sa Kanya, malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, sundin ang lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at magpatotoo sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na ang lahat ng gawang isinasakatuparan Niya upang lupigin ang tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at totoo, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagdaan sa Kanyang paghatol at pagkastigo, pakikitungo at pagtatabas, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya, at ginagamit din Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita lamang, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya nailigtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 215

Alalahanin ang pangyayari sa Bibliya nang wasakin ng Diyos ang Sodom, at isipin din kung paano naging haligi ng asin ang asawa ni Lot. Gunitain kung paano nagsisi ang mga tao ng Ninive sa kanilang mga kasalanan na suot ang tela ng sako at abo, at gunitain kung ano ang sumunod matapos ipapako ng mga Hudyo si Jesus sa krus 2,000 taon na ang nakakaraan. Ang mga Hudyo ay pinatalsik mula sa Israel at tumakas patungo sa mga bayan sa buong mundo. Marami ang pinatay, at ang buong bansang Hudyo ay napasailalim sa wala pang katulad na pasakit dahil sa pagkalipol ng kanilang bansa. Ipinako nila ang Diyos sa krus—gumawa ng isang kahindik-hindik na kasalanan—at inudyukan ang disposisyon ng Diyos. Sila ay pinagbayad sa kanilang ginawa, ipinatiis sa kanila ang mga kinahinatnan ng kanilang mga pagkilos. Hinatulan nila ang Diyos, itinakwil ang Diyos, kung kaya’t sila ay nagkaroon lamang ng isang kapalaran: ang maparusahan ng Diyos. Ito ang mapait na kinahinatnan at kapahamakan na dinala ng kanilang mga pinuno sa kanilang bayan at bansa.

Ngayon, ang Diyos ay bumalik sa mundo upang gawin ang Kanyang gawain. Ang Kanyang unang hinintuan ay ang halimbawa ng mga diktador na pamumuno: ang China, ang matatag na balwarte ng ateismo. Nagkamit ang Diyos ng isang grupo ng mga tao sa pamamagitan ng Kanyang karunungan at kapangyarihan. Sa panahong iyon, Siya ay tinutugis ng namumunong partido ng China sa lahat ng paraan at sumailalim sa matinding pagdurusa, walang lugar sa pamamahinga ng Kanyang ulo at hindi makahanap ng sisilungan. Sa kabila nito, ipinagpapatuloy pa rin ng Diyos ang gawaing Kanyang binabalak: Binibigkas Niya ang Kanyang tinig at ipinapalaganap ang ebanghelyo. Walang sinuman ang makakaarok sa pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Sa China, isang bansa na itinuturing ang Diyos bilang isang kaaway, ang Diyos ay hindi kailanman tumigil sa Kanyang gawain. Sa halip, mas maraming tao ang tumanggap ng Kanyang mga gawain at salita, dahil inililigtas ng Diyos ang bawat isang miyembro ng sangkatauhan hangga’t maaari. Nagtitiwala kami na walang bansa o kapangyarihan ang maaaring pumigil sa kung ano ang nais ng Diyos na makamit. Ang mga humahadlang sa gawain ng Diyos, lumalaban sa salita ng Diyos at nanggugulo at sumisira sa plano ng Diyos ay parurusahan ng Diyos sa huli. Siya na lumalabag sa gawain ng Diyos ay ipadadala sa impiyerno; anumang bayan na sumusuway sa gawain ng Diyos ay wawasakin; anumang bansa na tumututol sa gawain ng Diyos ay mabubura sa daigdig na ito, at titigil sa pag-iral. Hinihikayat Ko ang mga tao ng lahat ng bansa, lahat ng bayan, at maging lahat ng industriya na makinig sa tinig ng Diyos, masdan ang gawain ng Diyos at bigyang-pansin ang kapalaran ng sangkatauhan, upang magawa ang Diyos na pinakabanal, pinaka-kagalang-galang, pinakamataas, at tanging pag-uukulan ng pagsamba ng sangkatauhan, at magbigay-daan sa buong sangkatauhan upang mamuhay sa ilalim ng pagpapala ng Diyos, tulad ng mga inapo ni Abraham na namuhay sa ilalim ng pangako ni Jehova, at tulad nina Adan at Eba, na orihinal na ginawa ng Diyos, na namuhay sa Hardin ng Eden.

Ang gawain ng Diyos ay sumusulong tulad ng rumaragasang alon. Walang sinuman ang maaaring pumigil sa Kanya, at wala ni isang maaaring magpahinto sa Kanyang mga yapak. Tanging ang mga taong nakikinig nang mabuti sa Kanyang mga salita, at mga taong naghahanap at nauuhaw sa Kanya, ang maaaring sumunod sa Kanyang mga yapak at makatanggap ng Kanyang pangako. Ang mga tao namang hindi ay sasailalim sa napakalaking kapahamakan at karapat-dapat sa kaparusahan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 216

Ang gawain ng pamamahala ng Diyos ay nagsimula sa paglikha ng mundo, at ang tao ang nasa sentro ng gawaing ito. Masasabi na ang paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay ay para sa kapakanan ng tao. Dahil ang gawain ng Kanyang pamamahala ay umaabot nang libu-libong taon at hindi ginagawa sa loob lamang ng ilang minuto o segundo, o sa isang kisapmata, o isa o dalawang taon, kinailangan Niyang lumikha ng iba pang mga bagay na kinakailangan para mabuhay ang sangkatauhan, tulad ng araw, buwan, lahat ng uri ng nilikhang may buhay, pagkain, at isang kawili-wiling kapaligiran. Ito ang simula ng pamahahala ng Diyos.

Pagkatapos, ipinasa ng Diyos ang sangkatauhan kay Satanas, at namuhay ang tao sa ilalim ng sakop ni Satanas, na unti-unting humantong sa gawain ng Diyos sa unang kapanahunan: ang kuwento ng Kapanahunan ng Kautusan…. Sa loob ng ilang libong taon sa Kapanahunan ng Kautusan, ang sangkatauhan ay nasanay sa paggabay ng Kapanahunan ng Kautusan at hindi ito pinahalagahan. Unti-unti, iniwan ng tao ang pangangalaga ng Diyos. Kaya nga, habang sumusunod sa batas, sumamba rin sila sa mga diyos-diyosan at gumawa ng masama. Wala silang proteksyon ni Jehova, at namuhay lamang sa harap ng altar sa templo. Sa katunayan, ang gawain ng Diyos ay matagal na silang iniwan, at kahit sumunod pa rin sa kautusan ang mga Israelita, at sinambit nila ang pangalan ni Jehova, at buong pagmamalaki pang naniwala na sila lamang ang mga tao ni Jehova at ang mga hinirang ni Jehova, ang kaluwalhatian ng Diyos ay tahimik na lumisan sa kanila …

Kapag ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, palagi Niyang tahimik na nililisan ang isang lugar at marahang isinasagawa ang bagong gawaing sinisimulan Niya sa ibang lugar. Tila hindi ito kapani-paniwala sa mga tao, na naging manhid. Palagi nang pinahahalagahan ng mga tao ang luma at kinapopootan at kinaiinisan ang bago at di-pamilyar na mga bagay. Kaya nga, anumang bagong gawain ang ginagawa ng Diyos, mula simula hanggang wakas, ang tao ang huli, sa lahat ng bagay, na nakakaalam nito.

Gaya ng palaging nangyayari, matapos ang gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan, sinimulan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain ng ikalawang yugto: ang pagkakaroon ng katawan—ang magkatawang-tao bilang tao sa loob ng sampu o dalawampung taon—at pagsasalita at paggawa ng Kanyang gawain sa gitna ng mga mananampalataya. Subalit walang eksepsyon, walang nakaalam dito, at iilang tao lamang ang kumilala na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao matapos ipako sa krus at mabuhay muli ang Panginoong Jesus. … Nang makumpleto ang pangalawang yugto ng gawain ng Diyos—pagkaraan ng pagpapako sa krus—naisakatuparan ang gawain ng Diyos na bawiin ang tao mula sa kasalanan (ibig sabihin, bawiin ang tao mula sa mga kamay ni Satanas). Kaya nga, mula sa sandaling iyon, kinailangan lamang tanggapin ng sangkatauhan ang Panginoong Jesus bilang Tagapagligtas, at mapapatawad na ang kanyang mga kasalanan. Sa madaling salita, ang mga kasalanan ng tao ay hindi na isang hadlang sa pagkakamit niya ng kaligtasan at pagharap sa Diyos, at hindi na batayan ng pag-akusa ni Satanas sa tao. Iyon ay dahil ang Diyos Mismo ay nagsagawa na ng tunay na gawain, naging wangis at patikim ng makasalanang laman, at ang Diyos Mismo ang naging handog para sa kasalanan. Sa ganitong paraan, ang tao ay bumaba mula sa krus, at tinubos at iniligtas sa pamamagitan ng katawang-tao ng Diyos—ang wangis nitong makasalanang laman. Kaya nga, matapos mabihag ni Satanas, nakalapit nang isang hakbang ang tao palapit sa pagtanggap ng Kanyang pagliligtas sa harap ng Diyos. Mangyari pa, ang yugtong ito ng gawain ay mas malalim at mas maunlad kaysa sa pamamahala ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan.

Ganyan ang pamamahala ng Diyos: para ipasa ang sangkatauhan kay Satanas—isang sangkatauhang hindi nakakaalam kung ano ang Diyos, kung ano ang Lumikha, kung paano sambahin ang Diyos, o kung bakit kailangang magpasakop sa Diyos—at tulutan si Satanas na gawin siyang tiwali. Sa paisa-isang hakbang, saka binabawi ng Diyos ang tao mula sa mga kamay ni Satanas, hanggang sa lubos na sambahin ng tao ang Diyos at tanggihan si Satanas. Ito ang pamamahala ng Diyos. Maaaring para itong isang kuwentong kathang-isip, at maaaring tila nakakalito ito. Pakiramdam ng mga tao ay para itong isang kuwentong kathang-isip dahil wala silang kamalay-malay kung gaano na karami ang nangyari sa tao sa nakalipas na ilang libong taon, lalong hindi nila alam kung ilang kuwento na ang nangyari sa kalawakan at sa kalangitan. At bukod pa riyan, iyon ay dahil hindi nila mapahalagahan ang mas kahanga-hanga at mas nakakatakot na mundong umiiral sa kabila ng materyal na mundo, ngunit pinipigilan sila ng kanilang mortal na mga mata na makita ito. Parang mahirap itong maunawaan ng tao dahil hindi nauunawaan ng tao ang kabuluhan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan o ang kabuluhan ng gawain ng Kanyang pamamahala, at hindi nauunawaan kung ano ang nais ng Diyos na kahinatnan ng sangkatauhan sa huli. Iyon ba ay ang hindi ito lubos na magawang tiwali ni Satanas, na kagaya nina Adan at Eba? Hindi! Ang layunin ng pamamahala ng Diyos ay para matamo ang isang grupo ng mga tao na sumasamba sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya. Bagama’t nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga taong ito ay, hindi na nila itinuturing si Satanas bilang kanilang ama; nakikilala nila ang kasuklam-suklam na mukha ni Satanas at tinatanggihan ito, at humaharap sila sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Nalalaman nila kung ano ang pangit at kung paano ito naiiba roon sa banal, at kinikilala nila ang kadakilaan ng Diyos at ang kasamaan ni Satanas. Ang isang sangkatauhang tulad nito ay hindi na gagawa para kay Satanas, o sasamba kay Satanas, o iidolohin si Satanas. Ito ay dahil sila ay isang grupo ng mga tao na tunay nang nakamit ng Diyos. Ito ang kabuluhan ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan. Sa panahon ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa panahong ito, ang sangkatauhan ang pakay kapwa ng pagtitiwali ni Satanas at ng pagliligtas ng Diyos, at ang tao ang produktong pinag-aawayan ng Diyos at ni Satanas. Habang ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, unti-unti Niyang binabawi ang tao mula sa mga kamay ni Satanas, kaya nga ang tao ay lalo pang napapalapit sa Diyos …

At pagkatapos ay dumating ang Kapanahunan ng Kaharian, na siyang mas praktikal na yugto ng gawain, subalit ito rin ang pinakamahirap para sa tao na tanggapin. Iyon ay dahil habang mas napapalapit ang tao sa Diyos, mas napapalapit ang tungkod ng Diyos sa tao, at mas malinaw na nahahayag ang mukha ng Diyos sa tao. Kasunod ng pagtubos sa sangkatauhan, opisyal na bumabalik ang tao sa pamilya ng Diyos. Akala ng tao ay ngayon na ang oras para sa kasiyahan, subalit isinasailalim siya sa isang harap-harapang paglusob ng Diyos, na ang mga katulad ay hindi pa nakini-kinita ng sinuman: Lumalabas na ito ay isang pagbibinyag na kailangang “ikagalak” ng mga tao ng Diyos. Sa ilalim ng gayong pagtrato, walang pagpipilian ang mga tao kundi ang huminto at isipin sa kanilang sarili, “Ako ang tupang nawala nang maraming taon na labis na pinaggugulan ng Diyos upang maibalik, kaya bakit ako tinatrato ng Diyos nang ganito? Ito ba ang paraan na pinagtatawanan ako ng Diyos, at inilalantad ako? …” Pagkaraan ng ilang taon, nabugbog ng panahon ang tao, nakaranas na ng hirap ng pagpipino at pagkastigo. Bagama’t nawala sa tao ang “kaluwalhatian” at “pagmamahalan” ng mga panahong nakaraan, hindi niya namalayan na nauunawaan na niya ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao, at nagkaroon na siya ng pagpapahalaga sa ilang taon ng debosyon ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Unti-unting nagsimulang kasuklaman ng tao ang sarili niyang kabangisan. Nagsisimula siyang kamuhian kung gaano siya kabangis, lahat ng maling pagkaunawa niya sa Diyos, at ang di-makatwirang mga kahilingang nagawa niya sa Kanya. Hindi maibabalik ang mga kamay ng orasan. Ang nakaraang mga kaganapan ay nagiging malulungkot na alaala ng tao, at ang mga salita at pagmamahal ng Diyos ang nagtutulak sa tao na magbagumbuhay. Ang mga sugat ng tao ay naghihilom araw-araw, nagbabalik ang kanyang lakas, at tumatayo siya at tumitingin sa mukha ng Makapangyarihan sa lahat … para lamang matuklasan na palagi Siyang nasa tabi niya, at na ang Kanyang ngiti at Kanyang magandang mukha ay lubha pa ring nagpapasigla. May malasakit pa rin Siya sa Kanyang puso para sa sangkatauhan na Kanyang nilikha, at mainit at makapangyarihan pa rin ang Kanyang mga kamay tulad noong simula. Para bang ang tao ay nagbalik sa Halamanan ng Eden, subalit sa pagkakataong ito ay hindi na nakikinig ang tao sa mga panunukso ng ahas at hindi na tumatalikod palayo sa mukha ni Jehova. Lumuluhod ang tao sa harap ng Diyos, tumitingala sa nakangiting mukha ng Diyos, at nag-aalok ng kanyang pinakamahalagang sakripisyo—O! Panginoon ko, Diyos ko!

Ang pagmamahal at habag ng Diyos ay nanunuot sa bawat isang detalye ng Kanyang gawain ng pamamahala, at nauunawaan man ng mga tao ang mabubuting layon ng Diyos, walang-pagod pa rin Niyang ginagawa ang gawaing itinakda Niyang tuparin. Gaano man nauunawaan ng mga tao ang pamamahala ng Diyos, maaaring pahalagahan ng lahat ang tulong at mga pakinabang na hatid ng gawain ng Diyos sa tao. Marahil, sa araw na ito, hindi mo pa nadama ang alinman sa pagmamahal o buhay na ipinagkaloob ng Diyos, ngunit hangga’t hindi mo tinatalikuran ang Diyos, at hindi mo isinusuko ang iyong determinasyong hangarin ang katotohanan, darating ang araw na mahahayag sa iyo ang ngiti ng Diyos. Sapagkat ang layunin ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay para bawiin ang mga taong nasa ilalim ng sakop ni Satanas, hindi para talikuran ang mga taong nagawang tiwali ni Satanas at lumalaban sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 217

Ang lahat ng tao ay kailangang maunawaan ang mga layunin ng Aking gawain sa daigdig, iyon ay, ang nais Kong makamit sa huli at kung anong antas ang dapat Kong makamit sa gawaing ito bago ito magiging ganap. Kung, pagkaraang maglakad na kasama Ko hanggang sa araw na ito, ang mga tao ay hindi pa nakakaunawa kung tungkol saan ang Aking gawain, hindi ba walang kabuluhan ang paglalakad nilang kasama Ko? Kung sumusunod ang mga tao sa Akin, dapat alam nila ang Aking kalooban. Gumagawa na Ako sa lupa sa loob ng libu-libong taon, at hanggang sa araw na ito, ay ginagawa Ko pa rin ang Aking gawain sa paraang ito. Bagaman maraming proyekto ang nilalaman ng Aking gawain, ang layunin ng gawaing ito ay nananatiling hindi nagbabago; halimbawa, kahit na Ako ay puno ng paghatol at pagkastigo sa tao, ang Aking ginagawa ay alang-alang pa rin sa pagliligtas sa kanya, at alang-alang sa mas mainam na pagpapalaganap ng Aking ebanghelyo at pagpapalawak pa ng Aking gawain sa lahat ng bansang Hentil sa sandaling ang tao ay nagawa nang ganap. Kaya ngayon, sa panahon kung kailan maraming tao ang matagal nang lubhang lugmok sa pagkabigo, patuloy pa rin Ako sa Aking gawain, ipinagpapatuloy ang gawain na dapat Kong gawin upang hatulan at kastiguhin ang tao. Sa kabila ng katotohanang ang tao ay puno na sa Aking sinasabi, at wala siyang pagnanasang makialam sa Aking gawain, isinasakatuparan Ko pa rin ang Aking tungkulin, sapagkat ang layunin ng Aking gawain ay nananatiling hindi nagbabago, at ang Aking orihinal na plano ay hindi masisira. Ang silbi ng Aking paghatol ay ang bigyang-kakayahan ang tao na maging mas mahusay sa pagsunod sa Akin, at ang silbi ng Aking pagkastigo ay ang tulutan ang tao na mas mabisang mabago. Bagaman ang Aking ginagawa ay alang-alang sa Aking pamamahala, hindi Ako kailanman nakagawa ng anumang bagay na walang pakinabang sa tao, dahil nais Kong gawin ang lahat ng bansa sa labas ng Israel na kasing masunurin ng mga Israelita, at gawin silang tunay na mga tao, nang sa gayon ay may panghahawakan Ako sa mga lupain sa labas ng Israel. Ito ang Aking pamamahala; ito ang gawain na Aking tinutupad sa mga bansang Hentil. Kahit ngayon, maraming tao ang hindi pa rin nakakaunawa sa Aking pamamahala, sapagkat wala silang interes sa mga bagay na ito, kundi may pakialam lamang sa kanilang mga sariling kinabukasan at hantungan. Kahit ano ang Aking sabihin, ang mga tao ay wala pa ring malasakit sa gawaing Aking ginagawa, sa halip ay nakatuon lamang sa kanilang mga hantungan sa hinaharap. Kung ang mga bagay-bagay ay magpapatuloy sa ganitong paraan, paano mapapalawak ang Aking gawain? Paano mapapalaganap ang Aking ebanghelyo sa buong mundo? Dapat ninyong malaman na kapag ang Aking gawain ay lumawak, ikakalat Ko kayo, at hahampasin Ko kayo, gaya ng paghampas ni Jehova sa bawat tribo ng Israel. Ang lahat ng ito ay gagawin upang maipalaganap ang Aking ebanghelyo sa buong daigdig, para ang Aking gawain ay lumawak sa mga bansang Hentil, nang sa gayon ang Aking pangalan ay dadakilain ng kapwa matatanda at mga bata, at ang Aking banal na pangalan ay dadakilain ng bibig ng mga tao mula sa lahat ng tribo at bansa. Ito ay upang sa huling kapanahunang ito, dadakilain ang Aking pangalan sa mga bansang Hentil, upang makita ng mga Hentil ang Aking mga gawa at tatawagin nila Akong ang Makapangyarihan sa lahat dahil sa Aking mga gawa, at upang ang Aking mga salita ay maaaring matupad sa lalong madaling panahon. Ipaaalam Ko sa lahat ng tao na hindi lamang Ako Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng bansa ng mga Hentil, kahit na yaong Aking isinumpa. Hahayaan Kong makita ng lahat ng tao na Ako ang Diyos ng buong sangnilikha. Ito ang Aking pinakadakilang gawain, ang layunin ng Aking plano sa paggawa para sa mga huling araw, at ang tanging gawain na tutuparin sa mga huling araw.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 218

Ang gawain na Akin nang pinamamahalaan nang libu-libong taon ay ganap na nabubunyag sa tao sa mga huling araw lamang. Ngayon Ko lamang nailantad sa tao ang buong misteryo ng Aking pamamahala, at batid na ng tao ang layunin ng Aking gawain at, bukod dito, ay nakaunawa na sa lahat ng Aking mga misteryo. Nasabi Ko na sa tao ang lahat ng tungkol sa hantungan na kanyang inaalala. Nabuksan Ko na para sa tao ang lahat ng Aking mga misteryo, mga misteryo na nakatago nang mahigit 5,900 taon. Sino si Jehova? Sino ang Mesiyas? Sino si Jesus? Dapat ninyong malaman ang lahat ng ito. Ang Aking gawain ay umiikot sa mga pangalang ito. Naunawaan na ba ninyo iyan? Paano dapat iproklama ang Aking banal na pangalan? Paano dapat mapalaganap ang Aking pangalan sa alinman sa mga bansa na tumawag sa Akin sa alinman sa Aking mga pangalan? Ang Aking gawain ay lumalawak, at Aking palalaganapin ang kapunuan nito sa lahat ng bansa. Dahil ang Aking gawain ay naisakatuparan na sa inyo, hahampasin Ko kayo gaya ng paghampas ni Jehova sa mga pastol sa sambahayan ni David sa Israel, na magsasanhi sa inyong kumalat sa bawat bansa. Dahil sa mga huling araw, dudurugin Ko ang lahat ng bansa sa maliliit na piraso at sasanhiin na muling maipamahagi ang kanilang mga tao. Sa muli Kong pagbabalik, ang mga bansa ay nahati na sa mga hangganang itinakda ng Aking nagliliyab na apoy. Sa panahong iyon, ipamamalas Kong muli ang Aking Sarili sa sangkatauhan bilang ang nakakapasong araw, ipinapakita ang Aking Sarili nang lantaran sa kanila sa larawan ng Banal na hindi pa nila nakita kailanman, na naglalakad sa gitna ng napakaraming bansa, gaya ng Ako, si Jehova, ay minsang naglakad kasama ng mga tribong Hudyo. Simula roon, pangungunahan Ko ang sangkatauhan sa kanilang mga buhay sa daigdig. Doon tiyak na makikita nila ang Aking kaluwalhatian, at tiyak na makikita rin nila ang isang haliging ulap sa himpapawid upang pangunahan sila sa kanilang mga buhay, dahil magpapakita Ako sa mga banal na lugar. Makikita ng tao ang Aking araw ng pagkamakatuwiran, at gayon din ang Aking maluwalhating pagpapamalas. Magaganap iyan kapag naghari Ako sa buong daigdig at dinala ang marami Kong mga anak sa kaluwalhatian. Sa lahat ng dako sa daigdig, yuyuko ang mga tao, at ang Aking tabernakulo ay matatag na itatayo sa gitna ng sangkatauhan, sa ibabaw ng pundasyon ng gawain na Aking isinasakatuparan ngayon. Ang mga tao ay maglilingkod din sa Akin sa templo. Ang altar, na balot ng marurumi at nakasusuklam na mga bagay, ay Aking dudurugin at itatayong muli. Ang mga bagong silang na tupa at guya ay isasalansan sa ibabaw ng banal na altar. Gigibain Ko ang templo ng kasalukuyan at magtatayo ng bago. Ang templo na nakatayo ngayon, na puno ng kasuklam-suklam na mga tao, ay guguho, at ang Aking itatayo ay mapupuno ng mga lingkod na tapat sa Akin. Muli silang tatayo at maglilingkod sa Akin alang-alang sa kaluwalhatian ng Aking templo. Tiyak na makikita ninyo ang araw kung kailan tatanggap Ako ng dakilang kaluwalhatian, at tiyak na makikita rin ninyo ang araw kung kailan Aking gigibain ang templo at magtatayo ng bago. Gayon din, tiyak na makikita ninyo ang araw ng pagdating ng Aking tabernakulo sa mundo ng mga tao. Habang winawasak Ko ang templo ay dadalhin Ko rin ang Aking tabernakulo sa mundo ng mga tao, habang minamasdan nila ang Aking pagbaba. Pagkatapos Kong durugin ang lahat ng bansa, titipunin Ko silang muli, at mula roon ay itatayo ang Aking templo at itatatag ang Aking altar, upang ang lahat ay maaaring maghandog sa Akin ng mga alay, maglingkod sa Akin sa Aking templo, at matapat na ilaan ang kanilang mga sarili sa Aking gawain sa mga bansang Hentil. Sila ay magiging katulad ng mga Israelita sa kasalukuyan, nakasuot ng damit at korona ng saserdote, nang may kaluwalhatian Ko, si Jehova, sa kalagitnaan nila, at Aking pagiging maharlika na umaali-aligid sa kanila at nananatili sa kanila. Ang Aking gawain sa mga bansang Hentil ay ipapatupad din sa parehong paraan. Tulad ng Aking gawain sa Israel, gayon din ang magiging gawain Ko sa mga bansang Hentil, sapagkat palalawakin Ko ang Aking gawain sa Israel at palalaganapin ito sa mga bansa ng mga Hentil.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 219

Ngayon ang panahon kung kailan ang Aking Espiritu ay gumagawa ng dakilang gawain, at ang panahon na sinisimulan Ko ang Aking gawain sa mga bansang Hentil. Higit pa riyan, ito ang panahon na pinagbubukud-bukod Ko ang lahat ng nilalang, inilalagay ang bawat isa sa kanya-kanyang kaukulang uri, upang ang Aking gawain ay maaaring magpatuloy nang mas mabilis at mas mabisa. At kaya nga, ang Aking hinihingi pa rin sa inyo ay ang ialay mo ang iyong buong pagkatao para sa lahat ng Aking gawain, at, higit pa, na malinaw mong mabatid at tiyakin ang lahat ng gawaing Aking nagawa na sa iyo, at ibuhos ang lahat ng iyong lakas tungo sa Aking gawain nang ito ay maging mas mabisa. Ito ang dapat mong maunawaan. Tigilan ang pakikipaglaban sa isa’t isa, ang paghahanap ng daang pabalik, o paghahabol sa mga kaaliwan ng laman, na makakaantala sa Aking gawain at sa iyong magandang kinabukasan. Ang paggawa ng gayon, sa halip na pangalagaan ka, ay magdudulot sa iyo ng kapahamakan. Hindi ba kahangalan ito para sa iyo? Iyang buong pag-iimbot mong kinahuhumalingan ngayon ay ang mismong bagay na sumisira sa iyong kinabukasan, samantalang ang sakit na iyong pinagdurusahan ngayon ay ang mismong bagay na nangangalaga sa iyo. Dapat mong malinaw na malaman ang mga bagay na ito, upang maiwasang mabiktima ng mga tukso kung saan mahihirapan kang makawala, at iwasang mangapa sa makapal na hamog at hindi makita ang araw. Kapag nahawi ang makapal na hamog, masusumpungan mo ang iyong sarili na nasa paghatol ng dakilang araw. Sa panahong iyon, ang Aking araw ay papalapit na sa sangkatauhan. Paano mo tatakasan ang Aking paghatol? Paano mo matitiis ang nakakapasong init ng araw? Kapag ipinagkakaloob Ko ang Aking kasaganaan sa tao, hindi niya ito pinahahalagahan sa kanyang dibdib, bagkus ay isinasantabi ito sa isang lugar kung saan walang makapapansin dito. Kapag bumaba na ang Aking araw sa tao, hindi na niya matutuklasan ang Aking kasaganaan, o masusumpungan ang mapapait na salita ng katotohanang Aking sinabi sa kanya matagal na panahon na ang nakalilipas. Siya ay tatangis at iiyak, sapagkat nawala na sa kanya ang ningning ng liwanag at nahulog na siya sa kadiliman. Ang inyong nakikita ngayon ay ang matalim na espada lamang ng Aking bibig. Hindi pa ninyo nakikita ang tungkod sa Aking kamay o ang ningas na ipinansusunog Ko sa tao, at kaya kayo ay mapagmalaki at mapagmalabis pa rin sa Aking presensya. Kaya nga nakikipaglaban pa rin kayo sa Akin sa Aking tahanan, pinasusubalian ng dila ng tao yaong sinabi ng Aking bibig. Ang tao ay hindi natatakot sa Akin, at bagaman patuloy siyang nakikipag-away sa Akin hanggang ngayon, wala pa rin siyang takot man lamang. Mayroon kayong dila at mga ngipin ng mga taong di-matuwid sa inyong mga bibig. Ang inyong mga salita at gawa ay katulad niyaong sa ahas na tumukso kay Eba na magkasala. Hinihingi ninyo sa isa’t isa ang mata para sa mata at ngipin para sa ngipin, at nagtutunggali kayo sa Aking presensya para mag-agawan ng puwesto, katanyagan, at pakinabang para sa inyong mga sarili, ngunit hindi ninyo nalalaman na palihim Kong pinagmamasdan ang inyong mga salita at gawa. Bago pa man kayo makarating sa Aking presensya, natunugan Ko na ang kaibuturan ng inyong mga puso. Ang tao ay palaging nag-aasam na tumakas sa pagkakahawak ng Aking kamay at iwasan ang pagmamasid ng Aking mga mata, ngunit hindi Ako kailanman umilag sa kanyang mga salita o gawa. Sa halip, sadya Kong hinahayaan ang mga salita at gawang yaon na makita ng Aking mga mata, upang maaari Kong kastiguhin ang kasamaan ng tao at ipatupad ang paghatol sa kanyang paghihimagsik. Kaya nga, ang lihim na mga salita at gawa ng tao ay laging nananatili sa harapan ng Aking luklukan ng paghatol, at ang Aking paghatol ay hindi kailanman naalis sa tao, sapagkat labis ang kanyang paghihimagsik. Ang Aking gawain ay ang sunugin at dalisayin ang lahat ng salita at gawa ng tao na binigkas at ginawa sa presensya ng Aking Espiritu. Sa ganitong paraan,[a] kapag nilisan Ko na ang daigdig, mapapanatili pa rin ng mga tao ang kanilang katapatan sa Akin, at maglilingkod pa rin sa Akin gaya ng ginagawa ng Aking mga banal na lingkod sa Aking gawain, na nagtutulot sa Aking gawain sa daigdig na magpatuloy hanggang sa araw na maging ganap ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao

Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “Sa ganitong paraan.”


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 220

Nakita na ba ninyo kung anong gawain ang magagawa ng Diyos sa pangkat na ito ng mga tao? Sinabi minsan ng Diyos, kahit na sa Milenyong Kaharian ay dapat pa ring sundin ng mga tao ang mga pagbigkas Niya pasulong, at sa hinaharap ang mga pagbigkas ng Diyos ay tuwirang gagabay sa buhay ng tao sa mabuting lupain ng Canaan. Noong nasa ilang si Moises, tuwirang nagtagubilin at nakipag-usap sa kanya ang Diyos. Mula sa langit ay nagpadala ang Diyos ng pagkain, tubig, at mana upang tamasahin ng mga tao, at ngayon ay ganito pa rin: Ang Diyos ay ang Siya Mismong nagpadala ng mga bagay na makakain at maiinom upang tamasahin ng mga tao, at Siya Mismo ang nagpadala ng mga sumpa upang kastiguhin ang mga tao. At sa gayon, bawat yugto ng Kanyang gawain ay personal na isinasakatuparan ng Diyos. Ngayon, hinahangad ng mga tao ang pangyayari ng mga katotohanan, hinahangad nila ang mga tanda at mga kababalaghan, at maaaring iwaksi ang lahat ng ganoong mga tao, dahil lalong nagiging praktikal ang gawain ng Diyos. Walang nakaaalam na bumaba ang Diyos mula sa langit, lingid din sa kaalaman nila na nagpadala ang Diyos ng pagkain at mga toniko mula sa langit—subalit talagang umiiral ang Diyos, at ang mga nakagaganyak na tagpo ng Milenyong Kaharian na naguguni-guni ng mga tao ay siya ring mga sariling pagbigkas ng Diyos. Katotohanan ito, at ito lamang ang tinatawag na paghahari sa lupa kasama ng Diyos. Tumutukoy sa pagkakatawang-tao ang paghahari sa lupa kasama ng Diyos. Hindi umiiral sa lupa ang hindi sa pagkakatawang-tao, at sa gayon ang lahat ng yaong mga tumutuon sa pagpunta sa ikatlong langit ay ginagawa ito nang walang kabuluhan. Isang araw, kapag nagbabalik sa Diyos ang buong sansinukob, susunod sa mga pagbigkas Niya ang sentro ng gawain Niya sa buong kosmos; sa ibang dako, may ilang mga taong gagamit ng telepono, ang ilan ay sasakay sa eroplano, ang ilan ay sasakay sa bangka patawid sa dagat, at ang ilan ay gagamit ng mga sinag upang makatanggap ng mga pagbigkas ng Diyos. Magiging masintahin ang lahat, at mapanabik, mapapalapit silang lahat sa Diyos, at magtitipun-tipon tungo sa Diyos, at sasamba lahat sa Diyos—at ang lahat ng ito ay magiging ang mga gawa ng Diyos. Tandaan ito! Tiyak na hindi kailanman magsisimulang muli ang Diyos sa ibang dako. Gagawin ng Diyos ang katotohanang ito: Gagawin Niyang pumunta sa harapan Niya ang lahat ng mga tao sa buong sansinukob at sambahin ang Diyos sa lupa, at titigil ang gawain Niya sa ibang mga lugar, at mapipilitan ang mga tao na hangarin ang tunay na daan. Magiging katulad ito ni Jose: Lumapit ang lahat sa kanya para sa pagkain, at yumukod pababa sa kanya, sapagkat mayroon siyang mga bagay na makakain. Upang maiwasan ang taggutom, mapipilitan ang mga tao na hangarin ang tunay na daan. Magdurusa ng matinding taggutom ang buong relihiyosong pamayanan, at tanging ang Diyos ng ngayon ang bukal ng buhay na tubig, na nagtataglay ng walang-hanggang umaagos na bukal na inilaan para sa pagtatamasa ng tao, at darating ang mga tao at aasa sa Kanya. Iyon ang oras kung kailan mabubunyag ang mga gawa ng Diyos at kung kailan magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos; sasamba sa hindi kapansin-pansing “taong” ito ang lahat ng mga tao sa buong sansinukob. Hindi ba ito ang magiging araw ng luwalhati ng Diyos? Isang araw, magpapadala ng mga telegrama ang mga matatandang pastor na naghahangad ng tubig mula sa bukal ng buhay na tubig. Matatanda na sila, subalit darating pa rin sila upang sumamba sa taong ito, na minaliit nila. Kikilalanin nila Siya sa mga bibig nila at magtitiwala sa Kanya sa mga puso nila—hindi ba ito isang tanda at isang kababalaghan? Kapag nagagalak ang buong kaharian ay magiging araw ng luwalhati ng Diyos, at kung sinuman ang darating sa inyo at tatanggap sa mabuting balita ng Diyos ay pagpapalain ng Diyos, at ang mga bansa at ang mga taong gagawin ito ay pagpapalain at aalagaan ng Diyos. Magiging ganito ang hinaharap na pangangasiwa: Yaong mga makakamit ang mga pagbigkas mula sa bibig ng Diyos ay magkakaroon ng landas na lalakaran sa lupa, at maging sila man ay mga mangangalakal o mga siyentipiko, o mga tagapagturo o mga industriyalista, mahihirapang gumawa kahit isang hakbang yaong mga walang mga salita ng Diyos, at mapipilitan silang hangarin ang tunay na daan. Ito ang ibig sabihin ng, “Kasama ang katotohanan ay lalakarin mo ang buong mundo; nang walang katotohanan, wala kang mararating.” Ganito ang mga katotohanan: Gagamitin ng Diyos ang Daan (na nangangahulugang lahat ng mga salita Niya) upang atasan ang buong sansinukob at pamahalaan at lupigin ang sangkatauhan. Palaging umaasa ang mga tao sa malaking pagbabago sa mga paraan kung saan gumagawa ang Diyos. Sa malinaw na pananalita, sa pamamagitan ng mga salita pinamamahalaan ng Diyos ang mga tao, at dapat mong gawin ang sinasabi Niya nais mo man o hindi; isa itong walang-kinikilingang katotohanan, at dapat sundin ng lahat, at kaya ito rin ay walang tinag, at alam ng lahat.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumating Na ang Milenyong Kaharian

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 221

Lalaganap ang mga salita ng Diyos sa hindi mabilang na mga tahanan, magiging kilala sila sa lahat, at saka lamang lalaganap ang gawain Niya sa buong sansinukob. Na ang ibig sabihin, kung ang gawain ng Diyos ay lalaganap sa buong sansinukob, dapat ipalaganap ang mga salita Niya. Sa araw ng luwalhati ng Diyos, ipakikita ng mga salita ng Diyos ang kanilang kapangyarihan at awtoridad. Magagawa at magaganap ang bawat isa sa mga salita Niya mula pa sa panahong hindi na abot ng gunita hanggang ngayon. Sa paraang ito, ang luwalhati ay mapapasa-Diyos sa lupa—na ang ibig sabihin, maghahari ang mga salita Niya sa lupa. Kakastiguhin ng mga salitang sinabi mula sa bibig ng Diyos ang lahat ng buktot, pagpapalain ng mga salitang sinabi mula sa bibig Niya ang lahat ng matuwid, at ang lahat ay itatatag at gagawing ganap ng mga salitang sinabi mula sa bibig Niya. Ni hindi Siya magpapamalas ng anumang mga tanda o mga kababalaghan; magagawa ang lahat ng mga salita Niya, at magbubunga ng mga katotohanan ang mga salita Niya. Ipagdiriwang ng lahat ng nasa lupa ang mga salita ng Diyos, maging mga nasa hustong gulang man sila o mga bata, lalaki, babae, matanda, o bata, magpapasakop sa ilalim ng mga salita ng Diyos ang lahat ng mga tao. Nagpapakita sa katawang-tao ang mga salita ng Diyos, pinahihintulutan ang mga tao na makita ang mga ito sa lupa, matingkad at makatotohanan. Ito ang kahulugan upang magkatawang-tao ang Salita. Dumating ang Diyos sa lupa, una sa lahat, upang magawa ang katotohanan ng “nagkatawang-tao ang Salita,” na ang ibig sabihin, dumating Siya upang maibigay mula sa katawang-tao ang mga salita Niya (hindi katulad ng panahon ni Moises sa Lumang Tipan, kung kailan tuwirang lumabas ang tinig ng Diyos mula sa himpapawid). Matapos iyon, matutupad ang lahat ng mga salita Niya sa Kapanahunan ng Milenyong Kaharian, magiging mga katotohanan sila na tambad sa harap ng mga mata ng mga tao, at pagmamasdan sila ng mga tao gamit ang sarili nilang mga mata nang walang kahit bahagyang pagkakaiba-iba. Ito ang sukdulang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Na ang ibig sabihin, nagagawa ang gawain ng Espiritu sa pamamagitan ng katawang-tao, at sa pamamagitan ng mga salita. Ito ang tunay na kahulugan ng “nagkatawang-tao ang Salita” at “ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao.” Tanging ang Diyos ang maaaring magsalita ng kalooban ng Espiritu, at tanging ang Diyos sa katawang-tao ang maaaring magsalita sa ngalan ng Espiritu; ginawang payak ang mga salita ng Diyos sa Diyos na nagkatawang-tao, at ang lahat ng iba ay ginagabayan ng mga iyon. Walang sinuman ang nakabukod, umiiral silang lahat sa loob ng saklaw na ito. Tanging mula sa mga pagbigkas na ito maaaring maging may kamalayan ang mga tao; nananaginip nang gising yaong mga hindi nagkakamit sa paraang ito kung iniisip nilang maaari nilang makamit ang mga pagbigkas mula sa langit. Ganoon ang awtoridad na ipinakikita sa katawang-tao ng Diyos, na nagdudulot sa lahat na paniwalaan ito nang may ganap na pananalig. Kahit na ang pinakakagalang-galang na mga dalubhasa at mga relihiyosong pastor ay hindi maaaring magsalita ng mga salitang ito. Dapat magpasakop silang lahat sa ilalim ng mga ito, at walang makagagawa ng isa pang simula. Gagamitin ng Diyos ang mga salita upang lupigin ang sansinukob. Gagawin Niya ito hindi sa katawang-tao Niya, kundi sa pamamagitan ng paggamit ng mga pagbigkas mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao upang lupigin ang lahat ng mga tao sa buong sansinukob; tanging ito ang Salita na nagkatawang-tao, at tanging ito ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao. Marahil, sa mga tao, lumilitaw na parang hindi nakagagawa ng maraming gawain ang Diyos—ngunit kailangan lamang bigkasin ng Diyos ang mga salita Niya, at lubusan silang mapaniniwala at mapahahanga. Nang walang katotohanan, sumisigaw at humihiyaw ang mga tao; sa mga salita ng Diyos, nananahimik sila. Tiyak na magagawa ng Diyos ang katotohanang ito, sapagkat ito ang matagal nang itinatag na plano ng Diyos: magawa ang katotohanan ng pagdating ng Salita sa lupa. Talaga lamang, walang pangangailangan para magpaliwanag Ako—ang pagdating ng Milenyong Kaharian sa lupa ay ang pagdating ng mga salita ng Diyos sa lupa. Ang pagbaba ng Bagong Jerusalem mula sa langit ay ang pagdating ng mga salita ng Diyos upang mamuhay sa gitna ng tao, upang samahan ang bawat kilos ng tao at sa lahat ng mga pinakaloob na saloobin niya. Isa rin itong katotohanang magagawa ng Diyos; ito ang kagandahan ng Milenyong Kaharian. Ito ang planong itinakda ng Diyos: Magpapakita ang mga salita Niya sa lupa nang isang libong taon, at ipamamalas ng mga ito ang lahat ng mga gawa Niya, at gagawing ganap ang lahat ng gawain Niya sa lupa, na pagkatapos nito ang yugtong ito ng sangkatauhan ay darating sa katapusan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumating Na ang Milenyong Kaharian

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 222

Kapag ang Sinim ay natupad sa lupa—kapag ang kaharian ay natupad—hindi na magkakaroon ng digmaan sa lupa; hindi na muling magkakaroon ng mga taggutom, salot, at lindol kailanman; ang mga tao ay hihinto sa paggawa ng mga sandata; lahat ay mamumuhay sa kapayapaan at katatagan; at magkakaroon ng mga normal na pakikitungo sa pagitan ng mga tao, at mga normal na pakikitungo sa pagitan ng mga bansa. Subalit hindi maikukumpara dito ang kasalukuyan. Lahat ng nasa silong ng kalangitan ay nagkakagulo, unti-unting nagkakaroon ng mga umaagaw sa kapangyarihan sa bawat bansa. Pagkatapos ng mga pagbigkas ng Diyos, ang mga tao ay unti-unting nagbabago, at, sa loob ng bawat bansa, dahan-dahan silang nagkakawatak-watak. Ang matitibay na pundasyon ng Babilonia ay nagsisimulang mayanig, gaya ng isang kastilyo sa buhangin, at, habang nag-iiba ang kalooban ng Diyos, nagaganap ang matitinding pagbabago nang hindi napapansin sa mundo, at lahat ng uri ng mga palatandaan ay lumilitaw anumang oras, ipinapakita sa mga tao na dumating na ang huling araw ng mundo! Ito ang plano ng Diyos; ito ang mga hakbang kung paano Siya gumagawa, at bawat bansa ay siguradong magkakapira-piraso. Ang dating Sodoma ay pupuksain sa ikalawang pagkakataon, at sa gayon ay sinasabi ng Diyos, “Bumabagsak ang sanlibutan! Paralisado ang Babilonia!” Diyos lamang Mismo ang may kakayahang maunawaan ito nang lubusan; sa kabila ng lahat, may limitasyon ang kamalayan ng mga tao. Halimbawa, maaaring alam ng mga ministro ng mga panloob na usapin na ang kasalukuyang sitwasyon ay hindi matatag at magulo, ngunit wala silang kakayahang lutasin ang mga iyon. Maaari lamang silang magpatangay sa agos, na umaasa sa kanilang puso na darating ang araw na maitataas nila ang kanilang ulo, na darating ang araw na muling sisikat ang araw sa silangan, na nagniningning sa buong lupain at binabaligtad ang miserableng kalagayan ng mga usapin. Gayunman, hindi nila alam na kapag sumikat ang araw sa ikalawang pagkakataon, ang pagsikat nito ay hindi upang ipanumbalik ang dating kaayusan—isa itong muling pagsilakbo, isang lubos na pagbabago. Ganyan ang plano ng Diyos para sa buong sansinukob. Gagawa Siya ng isang bagong mundo, ngunit, higit sa lahat, paninibaguhin muna Niya ang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 22 at 23

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 223

Sa mundo, ang mga lindol ang pasimula ng sakuna. Una, Aking binabago ang mundo—ibig sabihin, ang lupa—at pagkatapos darating ang mga salot at mga taggutom. Ito ang Aking plano, at ang mga ito ang Aking mga hakbang, at pagagalawin Ko ang lahat upang maglingkod sa Akin upang tapusin ang Aking plano ng pamamahala. Sa gayon, ang buong mundo ng sansinukob ay mawawasak, kahit wala ang Aking tuwirang pakikialam. Nang una Akong naging katawang-tao at ipinako sa krus, yumanig nang napakalakas ang lupa, at magiging ganoon din pagdating ng katapusan. Magsisimula ang mga lindol sa mismong sandali na pumasok Ako sa espirituwal na dako mula sa katawang-tao. Sa gayon, ang mga panganay na anak ay walang-pasubaling hindi magdurusa mula sa sakuna, samantalang ang mga taong hindi mga panganay na anak ay maiiwan upang magdusa sa gitna ng mga sakuna. Kaya, mula sa pananaw ng tao, handang maging isang panganay na anak ang lahat. Sa mga pangitain ng mga tao, hindi ito para sa pagtatamasa ng mga pagpapala, kundi para takasan ang pagdurusa ng sakuna. Ito ang pakana ng malaking pulang dragon. Nguni’t hindi Ko ito kailanman hahayaang makatakas; pagdurusahin Ko ito ng Aking mabigat na kaparusahan at pagkatapos ay tatayo at maglilingkod sa Akin (tumutukoy ito sa paggawang ganap sa Aking mga anak at Aking bayan), na magdudulot dito na magpakailanmang malinlang ng sarili nitong mga patibong, magpakailanmang tanggapin ang Aking paghatol, at Aking sunugin magpakailanman. Ito ang totoong kahulugan ng gawin ang mga tagapagsilbi na magpuri sa Akin (iyon ay, gamitin sila upang ibunyag ang Aking dakilang kapangyarihan). Hindi Ko hahayaan ang malaking pulang dragon na pumuslit sa Aking kaharian, ni pagkakalooban Ko ito ng karapatang purihin Ako! (Dahil hindi ito karapat-dapat; hindi ito kailanman magiging karapat-dapat!) Papaglingkurin Ko lamang ang malaking pulang dragon sa Akin hanggang sa kawalang-hanggan! Hahayaan Ko lamang itong magpatirapa sa harap Ko. (Yaong mga nawasak ay mas napapabuti pa kaysa yaong mga nasa kapahamakan; pansamantalang mabigat na kaparusahan lamang ang pagkawasak, samantalang yaong mga nasa kapahamakan ay magdurusa ng matitinding kaparusahan magpakailanman. Sa kadahilanang ito, ginagamit Ko ang salitang “magpatirapa.” Dahil pumupuslit ang mga taong ito sa Aking tahanan at tinatamasa nang malaki ang Aking biyaya, at nagtataglay ng kaunting kaalaman tungkol sa Akin, gumagamit Ako ng mabibigat na kaparusahan. Tungkol naman sa mga nasa labas ng Aking bahay, maaari mong sabihin na hindi magdurusa ang mga mangmang.) Sa mga kuru-kuro ng mga tao, inaakala nila na ang mga taong nawasak ay mas malala kaysa yaong nasa kapahamakan, nguni’t sa kabaligtaran, ang huli ay kailangang mabigat na parusahan magpakailanman, at yaong mga nawasak ay babalik sa kawalan magpakailanman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 108

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 224

Kapag umalingawngaw ang pagpupugay sa kaharian—na kasabay ng pagdagundong ng pitong kulog—ang tunog na ito ay nagpapangatal sa langit at lupa, nagpapayanig sa kaitaasan ng langit at nagsasanhi ng panginginig ng damdamin ng bawat tao. Pormal na pumapailanlang ang awit sa kaharian sa lupain ng malaking pulang dragon, na nagpapatunay na nawasak Ko na ang bansang iyon at naitatag ang Aking kaharian. Ang mas mahalaga pa, nakatatag ang Aking kaharian sa lupa. Sa sandaling ito, sinisimulan Kong isugo ang Aking mga anghel sa bawat isa sa mga bansa ng mundo upang maakay nila ang Aking mga anak, ang Aking mga tao; ito ay para din matugunan ang mga kinakailangan sa susunod na hakbang ng Aking gawain. Gayunman, personal Akong pumunta sa lugar kung saan nakapulupot ang malaking pulang dragon, at nakikipaglaban dito. Kapag ang buong sangkatauhan ay nakilala Ako sa katawang-tao at nakikita nila ang Aking mga gawa sa katawang-tao, magiging abo ang pugad ng malaking pulang dragon at maglalaho nang walang bakas. Bilang mga tao ng Aking kaharian, dahil hanggang buto ang pagkamuhi ninyo sa malaking pulang dragon, kailangan ninyong palugurin ang Aking puso sa inyong mga kilos, at sa ganitong paraan ay mapapahiya ang dragon. Talaga bang nadarama ninyo na kasuklam-suklam ang malaking pulang dragon? Talaga bang nadarama ninyo na ito ang kaaway ng Hari ng kaharian? Talaga bang mayroon kayong pananampalataya na maaari kayong magbahagi ng magandang patotoo sa Akin? Talaga bang tiwala kayo na matatalo ninyo ang malaking pulang dragon? Ito ang hinihiling Ko sa inyo; ang tanging kailangan Ko ay makaabot kayo sa hakbang na ito. Magagawa ba ninyo ito? May pananampalataya ba kayo na magagawa ninyo ito? Ano ba talaga ang kayang gawin ng mga tao? Hindi ba mas mainam na Ako Mismo ang gumawa nito? Bakit Ko sinasabi na personal Akong bumababa sa lugar kung saan makakasali sa labanan? Ang nais Ko ay ang inyong pananampalataya, hindi ang inyong mga gawa. Lahat ng tao ay walang kakayahang tanggapin ang Aking mga salita sa tuwirang paraan, at sa halip ay sumusulyap lamang nang patagilid sa kanila. Nakatulong ba ito na makamtan ninyo ang inyong mga layunin? Nakilala na ba ninyo Ako sa ganitong paraan? Ang totoo, sa mga tao sa lupa, walang sinumang may kakayahang tingnan Ako nang tuwid sa mukha, at walang sinumang magagawang tanggapin ang dalisay at lantay na kahulugan ng Aking mga salita. Samakatuwid ay nagpasimula na Ako ng isang walang-katulad na proyekto sa ibabaw ng lupa, upang makamit ang Aking mga layunin at maitatag ang tunay Kong larawan sa puso ng mga tao. Sa ganitong paraan, wawakasan Ko ang panahon kung kailan nangingibabaw ang mga kuru-kuro ng mga tao.

Ngayon, hindi lamang Ako bumababa sa bansa ng malaking pulang dragon, bumabaling din Ako upang humarap sa buong sansinukob, na nagpapayanig sa buong kaitaasan ng langit. Mayroon bang iisang lugar kahit saan na hindi sumasailalim sa Aking paghatol? Mayroon bang iisang lugar na hindi umiiral sa ilalim ng mga kalamidad na ibinubuhos Ko roon? Saanman Ako magtungo, nagpakalat na Ako ng lahat ng uri ng “mga binhi ng sakuna.” Isa ito sa mga paraan ng Aking paggawa, at walang dudang isang gawa ng pagliligtas para sa sangkatauhan, at ang ipinaaabot Ko sa kanila ay isang uri pa rin ng pagmamahal. Nais Kong tulutan ang mas maraming tao na makilala Ako at makita Ako, at sa ganitong paraan, magpitagan sa isang Diyos na hindi nila nakikita sa loob ng napakaraming taon ngunit ngayon mismo ay totoo. Bakit Ko nilikha ang mundo? Bakit, matapos maging tiwali ang mga tao, hindi Ko sila tuluyang nilipol? Bakit nabubuhay ang buong sangkatauhan sa gitna ng mga kalamidad? Ano ang Aking layunin sa pagkakatawang-tao? Kapag ginagampanan Ko ang Aking gawain, natitikman ng sangkatauhan hindi lamang ang pait, kundi maging ang tamis. Sa lahat ng tao sa mundo, sino ang hindi nabubuhay sa loob ng Aking biyaya? Kung hindi Ko napagkalooban ang mga tao ng materyal na mga pagpapala, sino sa mundo ang makakapagtamasa ng kasaganaan? Isang pagpapala kaya ang pagtutulot sa inyo na kunin ang inyong lugar bilang Aking mga tao? Kung hindi kayo Aking mga tao, kundi sa halip ay mga tagapagsilbi, hindi ba kayo mabubuhay sa loob ng Aking mga pagpapala? Wala ni isa sa inyo ang may kakayahang arukin ang pinagmulan ng Aking mga salita. Ang sangkatauhan—sa halip na pahalagahan ang mga titulong Aking iginawad sa kanila, napakarami sa kanila, dahil sa titulong “tagapagsilbi,” ay nagkikimkim ng sama ng loob sa kanilang puso, at napakarami, dahil sa titulong “Aking mga tao,” ang nagmamahal sa Akin sa kanilang puso. Hindi dapat subukin ninuman na lokohin Ako; nakikita ng Aking mga mata ang lahat! Sino sa inyo ang tumatanggap nang maluwag sa kalooban, sino sa inyo ang ganap na sumusunod? Kung hindi umalingawngaw ang pagpupugay sa kaharian, talaga bang magagawa ninyong magpasakop hanggang wakas? Ano ang kayang gawin at isipin ng mga tao, at gaano kalayo ang kaya nilang marating—lahat ng bagay na ito ay matagal Ko nang itinalaga.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 10

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 225

Sa kabila ng katotohanan na pormal nang nagsimula ang pagtatayo ng kaharian, hindi pa pormal na umaalingawngaw ang pagpupugay sa kaharian; ngayon ay isang propesiya lamang ito ng darating. Kapag nagawa nang ganap ang lahat ng tao at naging kaharian ni Cristo ang lahat ng bansa sa daigdig, iyon na ang panahon kung kailan dadagundong ang pitong kulog. Ang kasalukuyang panahon ay isang hakbang pasulong sa yugtong iyon; nailabas na ang utos tungo sa panahong iyon. Ito ang plano ng Diyos, at magkakatotoo ito sa malapit na hinaharap. Gayunman, naisakatuparan na ng Diyos ang lahat ng Kanyang nabigkas. Sa gayon, malinaw na ang mga bansa ng daigdig ay mga kastilyong buhangin lamang, na nanginginig habang papalapit ang pagtaas ng tubig: Napipinto na ang huling araw, at babagsak ang malaking pulang dragon sa ilalim ng salita ng Diyos. Para matiyak na tagumpay na naisasagawa ang Kanyang plano, bumaba na ang mga anghel ng langit sa lupa, na ginagawa ang lahat upang palugurin ang Diyos. Nagpakalat na ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao sa larangan ng digmaan upang makidigma laban sa kaaway. Saanman nagpapakita ang pagkakatawang-tao ay nalilipol ang kaaway sa lugar na iyon. Unang pupuksain ang Tsina; wawasakin ito ng kamay ng Diyos. Hindi talaga maaawa ang Diyos doon. Makikita ang patunay ng mabilis na pagbagsak ng malaking pulang dragon sa patuloy na paggulang ng mga tao; maliwanag itong makikita ng sinuman. Ang paggulang ng mga tao ay isang tanda ng pagpanaw ng kaaway. Isang munting paliwanag ito kung ano ang kahulugan ng “makipaglaban.” Sa gayon, ipinaalala na ng Diyos sa mga tao sa maraming pagkakataon na magbigay ng magagandang patotoo sa Kanya upang mapawalang-saysay ang katayuang angkin ng mga kuru-kuro, na siyang kapangitan ng malaking pulang dragon, sa puso ng mga tao. Ginagamit ng Diyos ang gayong mga paalala para pasiglahin ang pananampalataya ng mga tao at, sa paggawa nito, nagkakamit ng mga katuparan sa Kanyang gawain. Ito ay dahil sinabi na ng Diyos, “Ano ba talaga ang kayang gawin ng mga tao? Hindi ba mas mainam na Ako Mismo ang gumawa nito?” Ganito ang lahat ng tao; hindi lamang sila walang kakayahan, kundi madali rin silang masiraan ng loob at madismaya. Dahil dito, hindi nila kayang makilala ang Diyos. Hindi lamang muling binubuhay ng Diyos ang pananampalataya ng sangkatauhan; lihim at patuloy rin Niyang pinupuspos ng lakas ang mga tao.

Sumunod, nagsimulang magsalita ang Diyos sa buong sansinukob. Hindi lamang nasimulan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain sa Tsina, kundi sa buong sansinukob, nasimulan Niyang gawin ang bagong gawain ng ngayon. Sa yugtong ito ng gawain, dahil nais ng Diyos na ibunyag ang lahat ng Kanyang gawa sa buong daigdig upang bumalik ang lahat ng taong nagkanulo sa Kanya para magpasakop sa harap ng Kanyang luklukan, maglalaman pa rin ng Kanyang awa at mapagmahal na kabaitan ang paghatol ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang mga kasalukuyang kaganapan sa buong mundo bilang mga pagkakataon upang maging dahilan para mataranta ang mga tao, na magtutulak sa kanila na hanapin ang Diyos upang bumalik sila sa Kanyang harapan. Sa gayon, sinasabi ng Diyos, “Isa ito sa mga paraan ng Aking paggawa, at walang dudang isang gawa ng pagliligtas para sa sangkatauhan, at ang ipinaaabot Ko sa kanila ay isang uri pa rin ng pagmamahal.”

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 10

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 226

Ginagamit Ko ang Aking awtoridad sa lupa, inilalahad Ko ang Aking gawain sa kabuuan nito. Lahat ng nasa Aking gawain ay nasasalamin sa ibabaw ng lupa; hindi naunawaan ng sangkatauhan kailanman, sa lupa, ang Aking mga galaw sa kalangitan, ni hindi nila pinagnilayang mabuti ang mga pag-ikot at mga direksyon ng Aking Espiritu. Ang naiintindihan lamang ng karamihan sa mga tao ay ang maliliit na detalyeng nasa labas ng espiritu, hindi nila naiintindihan ang aktwal na kalagayan ng espiritu. Ang mga kahilingan Ko sa sangkatauhan ay hindi lumalabas mula sa Aking malabong sarili na nasa langit, o mula sa sarili Kong hindi masuri sa lupa; Gumagawa Ako ng angkop na mga hinihingi ayon sa tayog ng tao sa lupa. Hindi Ko pinaghirap ang sinuman kailanman, ni hindi Ko hiningi sa kaninuman na “pigain ang kanyang dugo” para sa Aking kaluguran—maaari kayang limitahan ang Aking mga hinihingi sa gayong mga kundisyon? Sa napakaraming nilalang sa lupa, alin ang hindi nagpapasakop sa mga disposisyon ng mga salita sa Aking bibig? Alin sa mga nilalang na ito, na lumalapit sa Aking harapan, ang hindi ganap na sinunog ng Aking mga salita at ng Aking naglalagablab na apoy? Alin sa mga nilalang na ito ang nangangahas na “lumakad nang buong kahambugan” sa mayabang na pagbubunyi sa Aking harapan? Alin sa mga nilalang na ito ang hindi yumuyukod sa Aking harapan? Ako ba ang Diyos na nagpapataw lamang ng katahimikan sa mga nilalang? Sa napakaraming bagay na nilalang, pinipili Ko yaong mga nakakalugod sa Aking layon; sa napakaraming tao sa sangkatauhan, pinipili Ko yaong mga nagmamalasakit sa Aking puso. Pinipili Ko ang pinakamaganda sa lahat ng bituin, nang sa gayon ay makapagdagdag ng bahagyang kislap ng liwanag sa Aking kaharian. Lumalakad Ako sa lupa, nagsasabog ng Aking bango sa lahat ng dako, at, sa bawat lugar, iniiwan Ko ang Aking anyo. Sa bawat lugar ay umaalingawngaw ang Aking tinig. Ginugunita ng mga tao sa lahat ng dako ang magagandang tanawin ng kahapon, sapagkat naaalala ng buong sangkatauhan ang nakaraan …

Ang buong sangkatauhan ay nananabik na makita ang Aking mukha, ngunit nang bumaba Ako sa lupa nang personal, tutol silang lahat sa Aking pagdating, at itinataboy nila ang pagdating ng liwanag, na parang kaaway Ako ng tao sa langit. Sinasalubong Ako ng tao nang may pananggalang na liwanag sa kanyang mga mata, at nananatiling palaging alisto, na takot na takot na baka may iba Akong mga plano para sa kanya. Dahil ang turing sa Akin ng mga tao ay kaibigang hindi kilala, pakiramdam nila ay parang may kimkim Akong layunin na patayin sila nang walang pili-pili. Sa mga mata ng tao, isa Akong nakamamatay na kalaban. Nang matikman ang init ng Aking pagmamahal sa gitna ng kalamidad, ang tao gayunpaman ay hindi pa rin namamalayan ang Aking pagmamahal, at determinado pa ring hadlangan Ako at suwayin. Sa halip na samantalahin ang kanyang kundisyon para kumilos laban sa kanya, niyayapos Ko ang tao sa mainit na yakap, pinupuspos Ko ng tamis ang kanyang bibig, at nilalagyan Ko ng kailangang pagkain ang kanyang tiyan. Ngunit, kapag niyayanig ng Aking nagpupuyos na galit ang kabundukan at mga ilog, dahil sa karuwagan ng tao, hindi Ko na siya pagkakalooban ng iba’t ibang uri ng pagtulong na ito. Sa sandaling ito, Ako ay magngangalit, tumatangging bigyan ng pagkakataon ang lahat ng bagay na may buhay na magsisi at, binibitawan ang lahat ng Aking pag-asa para sa tao, ilalapat Ko sa kanya ang ganting nararapat talaga sa kanya. Sa pagkakataong ito, biglang gumuguhit ang kidlat at dumadagundong ang kulog, tulad ng mga alon sa karagatan na nagpupuyos sa galit, tulad ng libu-libong bundok na nagsisiguho. Para sa kanyang pagkasuwail, ang tao ay pinatutumba ng kulog at kidlat, at ang iba pang mga nilalang ay nililipol sa mga pagsabog ng kulog at kidlat, at ang buong sansinukob ay biglang bumubulusok sa malaking kaguluhan, at hindi na mabawi ng mga nilikha ang pangunahing hininga ng buhay. Hindi matakasan ng napakaraming hukbo ng sangkatauhan ang dagundong ng kulog; sa gitna ng mga pagkislap ng kidlat, nabubuwal ang mga tao, nang kawan-kawan, sa matuling agos, upang matangay ng malalakas na agos na bumababa mula sa kabundukan. Bigla, nagtitipun-tipon ang mundo ng “mga tao” sa lugar ng “hantungan” ng tao. Tinatangay ang mga bangkay sa ibabaw ng karagatan. Buong sangkatauhan ay nagsisilayo sa Akin dahil sa Aking poot, sapagkat nagkasala ang tao laban sa diwa ng Aking Espiritu, at nasaktan Ako sa kanyang paghihimagsik. Ngunit, sa mga lugar na walang tubig, tinatamasa pa rin ng ibang mga tao, sa gitna ng tawanan at awitan, ang mga pangakong naipagkaloob Ko sa kanila.

Kapag tahimik ang lahat ng tao, naglalabas Ako ng kislap ng liwanag sa harap ng kanilang mga mata. Kapagdaka, lumilinaw ang isipan at nagniningning ang mata ng mga tao, ayaw na nilang manahimik; sa gayon, ang espirituwal na damdamin ay naiipon kaagad sa kanilang puso. Kapag nangyayari ito, buong sangkatauhan ay nabubuhay na mag-uli. Isinasantabi ang kanilang di-masabing mga hinaing, lahat ng tao ay humaharap sa Akin, pagkatapos mabigyan ng isa pang pagkakataong maligtas sa pamamagitan ng mga salitang Aking ipinapahayag. Ito ay dahil nais ng lahat ng tao na mabuhay sa ibabaw ng lupa. Subalit sino sa kanila ang nagkaroon ng layon na mabuhay para sa Aking kapakanan? Sino sa kanila ang nakapaglantad na ng magagandang bagay sa kanyang sarili na inihahandog niya para sa Aking kasiyahan? Sino sa kanila ang nakatuklas na sa Aking nakakaakit na bango? Lahat ng tao ay magaslaw at hindi pinong mga bagay: Sa tingin, tila nakakasilaw sila sa mga mata, ngunit ang kanilang diwa ay hindi para mahalin Ako nang taos-puso, dahil, sa kaibuturan ng puso ng tao, hindi nagkaroon ng anumang bahagi Ko kailanman. Kulang na kulang ang tao: Ang pagkukumpara sa kanya sa Akin ay tila naghahayag ng isang malaking agwat na sinlawak ng langit at lupa. Gayunpaman, hindi Ko tinutuligsa ang mahihina at madaling masaktang bahagi ng tao, ni hindi Ko siya nililibak dahil sa kanyang mga pagkukulang. Libu-libong taon nang gumagawa sa mundo ang Aking mga kamay, at habang nangyayari ito, palaging nakabantay ang Aking mga mata sa buong sangkatauhan. Subalit hindi Ko pinaglaruan kailanman ang buhay ng isang tao na parang isang laruan. Minamasdan Ko ang mga pasakit na nararanasan ng tao at nauunawaan Ko ang halagang kanyang naisakripisyo. Habang nakatayo siya sa Aking harapan, ayaw Kong gulatin ang tao para kastiguhin siya, ni ayaw Ko siyang pagkalooban ng mga bagay na di-kanais-nais. Sa halip, sa buong panahong ito, natustusan Ko lamang at nabigyan ang tao. Kaya, ang tinatamasa lamang ng tao ay ang Aking biyaya, iyon ang lahat ng kasaganaang nagmumula sa Aking kamay. Dahil Ako ay nasa mundo, hindi kinailangan ng tao kailanman na magdanas ng paghihirap na magutom. Sa halip, tinutulutan Ko ang tao na tumanggap ng mga bagay sa Aking mga kamay na maaari niyang matamasa, at tinutulutan Ko ang sangkatauhan na mabuhay sa loob ng Aking mga pagpapala. Hindi ba nabubuhay ang buong sangkatauhan sa ilalim ng Aking pagkastigo? Tulad ng mayroong kasaganaan sa kaloob-looban ng kabundukan, at kasaganaan ng mga bagay na matatamasa sa katubigan, hindi ba mas lalong mayroong pagkaing pasasalamatan at titikman ang mga taong nabubuhay sa loob ng Aking mga salita ngayon? Ako ay nasa lupa, at tinatamasa ng sangkatauhan ang Aking mga pagpapala sa lupa. Kapag nilisan Ko ang lupa, kung kailan matatapos din ang Aking gawain, hindi na tatanggap ang sangkatauhan ng Aking kagandahang-loob dahil sa kanilang kahinaan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 17

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 227

Talaga bang namumuhi kayo sa malaking pulang dragon? Talaga bang tunay ninyong kinamumuhian ito? Bakit ba napakaraming beses Ko na kayong natanong? Bakit Ko ba palaging itinatanong sa inyo ang bagay na ito, nang paulit-ulit? Anong imahe ng malaking pulang dragon ang nasa inyong puso? Talaga bang naalis na ito? Talaga bang hindi ninyo ito itinuturing na inyong ama? Dapat mahiwatigan ng lahat ng tao ang layunin Ko sa Aking mga tanong. Hindi ito para pukawin ang galit ng mga tao, ni hindi para mag-udyok ng paghihimagsik sa tao, ni hindi para matagpuan ng tao ang kanyang sariling daan palabas, kundi para tulutan ang lahat ng tao na palayain ang kanilang sarili mula sa pagkaalipin sa malaking pulang dragon. Subalit hindi dapat mag-alala ang sinuman. Lahat ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng Aking mga salita; walang sinumang tao ang maaaring makibahagi, at walang taong makakagawa ng gawaing Aking isasagawa. Lilinisin Ko ang hangin sa lahat ng lupain at pupuksain Ko ang lahat ng bakas ng mga demonyo sa lupa. Nagsimula na Ako, at uumpisahan Ko ang unang hakbang ng Aking gawain ng pagkastigo sa tirahan ng malaking pulang dragon. Kaya makikita na sumapit na ang Aking pagkastigo sa buong sansinukob, at na ang malaking pulang dragon at lahat ng uri ng mga karumal-dumal na espiritu ay mawawalan ng lakas na takasan ang Aking pagkastigo, sapagkat nakatingin Ako sa lahat ng lupain. Kapag natapos na ang Aking gawain sa lupa, ibig sabihin, kapag nagwakas na ang panahon ng paghatol, pormal Kong kakastiguhin ang malaking pulang dragon. Makikita ng Aking mga tao ang matuwid Kong pagkastigo sa malaking pulang dragon, siguradong magbubuhos sila ng papuri dahil sa Aking pagkamatuwid, at siguradong pupurihin nila ang Aking banal na pangalan magpakailanman dahil sa Aking pagkamatuwid. Dahil dito ay pormal ninyong gagampanan ang inyong tungkulin, at pormal ninyo Akong pupurihin sa buong lupain, magpakailan pa man!

Kapag ang panahon ng paghatol ay umabot na sa rurok nito, hindi Ko mamadaliin ang pagtapos sa Aking gawain, kundi isasama Ko rito ang katibayan ng panahon ng pagkastigo at tutulutan Kong makita ng lahat ng tao Ko ang katibayang ito; dito lalabas ang mas malaking bunga. Ang katibayang ito ang kaparaanang gagamitin Ko sa pagkastigo sa malaking pulang dragon, at hahayaan Kong mamasdan ito ng Aking mga tao sa sarili nilang mga mata upang mas malaman nila ang Aking disposisyon. Ang panahon na matatamasa Ako ng Aking mga tao ay kapag kinastigo ang malaking pulang dragon. Plano Kong gawing dahilan ito upang magbangon at maghimagsik ang mga tao ng malaking pulang dragon, at ito ang pamamaraang ginagamit Ko upang gawing perpekto ang Aking mga tao, at magandang pagkakataon ito upang lumago sa buhay ang lahat ng tao Ko.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 28

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 228

Kapag lumitaw ang maliwanag na buwan, agad mababasag ang katahimikan ng gabi. Bagama’t pilas-pilas ang buwan, masaya ang tao, at nakaupo nang matiwasay sa ilalim ng liwanag ng buwan, hinahangaan ang magandang tanawin sa liwanag ng buwan. Hindi mailalarawan ng tao ang kanyang mga damdamin; para bang nais niyang alalahanin ang nakaraan, para bang nais niyang asamin ang kinabukasan, para bang nasisiyahan siya sa kasalukuyan. May ngiti sa kanyang mukha, at sa gitna ng nakasisiyang simoy ng hangin ay may tumatagos na sariwang bango; nang magsimulang umihip ang marahang simoy ng hangin, naaamoy ng tao ang mabangong halimuyak, at tila nilasing siya rito, at hindi niya magising ang kanyang sarili. Ito ang mismong oras na personal Akong naparito sa tao, at lalong naamoy ng tao ang mabangong halimuyak, at sa gayon ay nabubuhay ang lahat ng tao sa gitna ng halimuyak na ito. Payapa Ako sa tao, nabubuhay ang tao na kasundo Ko, hindi na siya pasaway sa pagtingin niya sa Akin, hindi Ko na tinatabas ang mga kakulangan ng tao, wala nang pagkabalisa sa mukha ng tao, at wala nang banta ng kamatayan sa buong sangkatauhan. Ngayon, sumusulong Ako na kasabay ng tao patungo sa panahon ng pagkastigo, sumusulong na kasabay siya sa Aking tabi. Ginagawa Ko ang Aking gawain, ibig sabihin, hinahampas Ko ng Aking tungkod ang tao at tumatama ito sa bahaging mapaghimagsik sa tao. Sa mga mata ng tao, tila may kakaibang mga kapangyarihan ang Aking tungkod: Sumasapit ito sa lahat ng Aking kaaway at hindi sila madaling pinatatawad nito; sa lahat ng kumokontra sa Akin, ginagampanan ng tungkod ang likas na tungkulin nito; ginagampanan ng lahat ng nasa Aking mga kamay ang kanilang tungkulin ayon sa Aking layunin, at hindi nila nasuway kailanman ang Aking mga naisin o nabago ang kanilang diwa. Dahil dito, raragasa ang mga tubig, guguho ang mga bundok, maglalaho ang malalaking ilog, magbabago palagi ang tao, lalamlam ang araw, magdidilim ang buwan, wala nang mga panahon na mamumuhay sa kapayapaan ang tao, mawawalan na ng katahimikan sa lupa, hindi na muling mananatiling panatag at tahimik ang kalangitan, at hindi na magtatagal. Mapapanibago ang lahat ng bagay at mababawi ang kanilang orihinal na anyo. Magkakawatak-watak ang lahat ng sambahayan sa lupa, at mahahati-hati ang lahat ng bansa sa mundo; mawawala na ang mga panahon na magbabalikan ang mag-asawa, hindi na muling magkikita ang ina at anak na lalaki, hindi na kailanman magtatagpo ang ama at anak na babae. Dudurugin Ko ang lahat ng dating nasa lupa. Hindi Ko binibigyan ng pagkakataon ang mga tao na maglabas ng kanilang mga damdamin, sapagkat wala Akong mga damdamin, at natutuhan Kong kamuhian nang sukdulan ang mga damdamin ng mga tao. Dahil sa mga damdamin sa pagitan ng mga tao kaya Ako naitaboy sa isang tabi, at sa gayon ay naging “iba” Ako sa kanilang paningin; dahil sa mga damdamin sa pagitan ng mga tao kaya Ako nakalimutan; dahil sa mga damdamin ng tao kaya niya sinasamantala ang pagkakataong kunin ang kanyang “konsensya”; dahil sa mga damdamin ng tao kaya siya laging nanlulupaypay sa Aking pagkastigo; dahil sa mga damdamin ng tao kaya niya Ako tinatawag na hindi patas at hindi makatarungan, at sinasabing hindi Ko iniintindi ang mga damdamin ng tao sa Aking pamamahala sa mga bagay-bagay. May kamag-anak din ba Ako sa ibabaw ng lupa? Sino, katulad Ko, ang nakapagtrabaho na araw at gabi, na hindi iniisip ang pagkain o pagtulog, para sa kapakanan ng buong plano ng Aking pamamahala? Paanong maikukumpara ang tao sa Diyos? Paanong magiging kaayon ng Diyos ang tao? Paano maaaring maging kauri ng tao, na nilikha, ang Diyos, na lumilikha? Paano Ako maaaring manahan at kumilos na kasama ng tao sa lupa? Sino ang nagmamalasakit sa Aking puso? Ang mga dalangin ba ng tao? Sumang-ayon Akong minsan na sumama sa tao at lumakad na kasabay niya—at oo, hanggang sa araw na ito ay nabubuhay ang tao sa ilalim ng Aking pangangalaga at proteksyon, ngunit may araw pa kayang darating kung kailan maihihiwalay ng tao ang kanyang sarili mula sa Aking pangangalaga? Bagama’t hindi nagmalasakit ang tao sa Aking puso kailanman, sino ang patuloy na mabubuhay sa isang lupain na walang liwanag? Dahil lamang sa Aking mga pagpapala kaya nabubuhay ang tao hanggang ngayon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 28

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 229

Nagkakagulo nang husto ang mga bansa, dahil nagsimula nang gampanan ng pamalo ng Diyos ang papel nito sa lupa. Makikita ang gawain ng Diyos sa kalagayan ng mundo. Kapag sinasabi ng Diyos, “Raragasa ang mga tubig, guguho ang mga bundok, maglalaho ang malalaking ilog,” ito ang paunang gawain ng pamalo sa lupa, na may resulta na “magkakawatak-watak ang lahat ng sambahayan sa lupa, at mahahati-hati ang lahat ng bansa sa mundo; mawawala na ang mga panahon na magbabalikan ang mag-asawa, hindi na muling magkikita ang ina at anak na lalaki, hindi na kailanman magtatagpo ang ama at anak na babae. Dudurugin Ko ang lahat ng dating nasa lupa.” Ganyan ang magiging karaniwang kalagayan ng mga pamilya sa lupa. Natural, malamang na hindi ganito ang magiging kalagayan nilang lahat, ngunit ito ang kalagayan ng karamihan sa kanila. Sa kabilang dako, tumutukoy ito sa mga sitwasyong naranasan ng mga taong nasa daloy na ito sa hinaharap. Hinuhulaan nito na, kapag nagdaan na sila sa pagkastigo ng mga salita at napahamak na ang mga walang pananampalataya, mawawalan na ng mga relasyon sa pamilya ang mga tao sa lupa; magiging mga tao silang lahat ng Sinim, at lahat ay magiging matapat sa kaharian ng Diyos. Sa gayon, mawawala na ang mga panahon na magbabalikan ang mag-asawa, hindi na muling magkikita ang ina at anak na lalaki, hindi na kailanman magtatagpo ang ama at anak na babae. Kaya nga, ang mga pamilya ng mga tao sa lupa ay magkakawatak-watak, magkakapira-piraso, at ito ang magiging panghuling gawaing gagawin ng Diyos sa tao. At dahil palalaganapin ng Diyos ang gawaing ito sa buong sansinukob, sasamantalahin Niya ang pagkakataon para linawin ang salitang “damdamin” para sa mga tao, kaya pahihintulutan silang makita na ang kalooban ng Diyos ay paghiwalayin ang mga pamilya ng lahat ng tao, at nagpapakita na gumagamit ng pagkastigo ang Diyos upang lutasin ang lahat ng “alitan sa pamilya” sa sangkatauhan. Kung hindi, walang paraan para mawakasan ang huling bahagi ng gawain ng Diyos sa lupa. Ang huling bahagi ng mga salita ng Diyos ay inilalantad ang pinakamalaking kahinaan ng sangkatauhan—lahat sila ay maramdamin—kaya nga hindi iniiwasan ng Diyos ang isa man sa kanila, at inilalantad ang mga lihim na nakatago sa puso ng buong sangkatauhan. Bakit hirap na hirap ang mga tao na ihiwalay ang kanilang sarili sa kanilang damdamin? Higit pa ba ito kaysa sa mga pamantayan ng konsiyensya? Maisasakatuparan ba ng konsiyensya ang kalooban ng Diyos? Matutulungan ba ng damdamin na malagpasan ng mga tao ang kahirapan? Sa mga mata ng Diyos, ang damdamin ay Kanyang kaaway—hindi ba ito malinaw na nakasaad sa mga salita ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 28

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 230

Lahat ng salita ng Diyos ay naglalaman ng bahagi ng Kanyang disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos ay hindi lubusang maipapahayag sa mga salita, kaya sapat na ito upang ipakita kung gaano talaga ang kasaganaang nasa Kanya. Kung ano ang nakikita at nahihipo ng mga tao, kunsabagay, ay limitado, gaya ng kakayahan ng mga tao. Bagama’t malinaw ang mga salita ng Diyos, hindi kaya ng mga tao na lubusang maunawaan ang mga ito. Ipaghalimbawa na ang mga salitang ito: “Sa isang paghaginit ng kidlat, nabubunyag ang tunay na anyo ng bawat hayop. Gayundin naman, natatanglawan ng Aking liwanag, nabawi na ng tao ang kabanalang minsan niyang tinaglay. Ah, tiwaling mundo noong araw! Sa wakas, nabuwal na ito tungo sa maruming tubig at, habang lumulubog pailalim, naglaho sa putikan!” Lahat ng salita ng Diyos ay naglalaman ng Kanyang pagkatao, at bagama’t batid ng lahat ng tao ang mga salitang ito, walang nakaalam ng kahulugan ng mga ito kailanman. Sa mga mata ng Diyos, lahat ng lumalaban sa Kanya ay Kanyang mga kaaway, ibig sabihin, yaong mga nabibilang sa masasamang espiritu ay mga hayop. Mula rito, mapapansin ng isang tao ang totoong kalagayan ng iglesia. Lahat ng tao ay nililiwanagan ng mga salita ng Diyos, at sa liwanag na ito, sinusuri nila ang kanilang sarili nang hindi sumasailalim sa pangangaral o pagkastigo o tuwirang pagtitiwalag ng iba, nang hindi sumasailalim sa iba pang mga paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay-bagay, at hindi itinuturo ng iba ang mga bagay-bagay. Mula sa “pananaw ng isang mikroskopyo,” nakikita nila nang napakalinaw kung gaano talaga kalala ang sakit na nasa loob nila. Sa mga salita ng Diyos, bawat klase ng espiritu ay inuuri at inihahayag sa orihinal na anyo nito; ang mga may espiritu ng mga anghel ay higit na pinagliliwanag at nililiwanagan, kaya nga ganito ang mga salita ng Diyos: “nabawi na nila ang kabanalang minsan nilang tinaglay.” Ang mga salitang ito ay batay sa huling resultang nakamit ng Diyos. Sa sandaling ito, siyempre pa, hindi pa lubos na makakamit ang resultang ito—patikim lamang ito, para makita rito ang kalooban ng Diyos. Sapat na ang mga salitang ito upang ipakita na maraming tao ang magpapatirapa sa mga salita ng Diyos at matatalo sa unti-unting proseso ng pagpapabanal sa lahat ng tao. Dito, hindi sinasalungat ng “naglaho sa putikan” ang pagwasak ng Diyos sa mundo gamit ang apoy, at ang “kidlat” ay tumutukoy sa galit ng Diyos. Kapag inilalabas ng Diyos ang Kanyang matinding galit, mararanasan ng buong mundo ang lahat ng uri ng sakuna dahil dito, tulad ng pagputok ng isang bulkan. Nakatayo sa itaas sa langit, makikita na sa lupa, lahat ng uri ng kalamidad ay dumarating sa buong sangkatauhan, papalapit bawat araw. Habang nakatingin sa ibaba mula sa itaas, nagpapakita ang daigdig ng sari-saring mga tagpo na gaya noong bago dumating ang isang lindol. Hindi mapigil ang pagkalat ng likidong apoy, dumadaloy nang malaya ang kumukulong putik, nagbabago ang mga bundok, at kumikislap ang malamig na liwanag sa lahat. Nasadlak na sa apoy ang buong mundo. Ito ang tagpo ng paglalabas ng Diyos ng Kanyang galit, at ito ang panahon ng Kanyang paghatol. Lahat ng mayroong laman at dugo ay hindi makakatakas. Sa gayon, ang mga digmaan sa pagitan ng mga bansa at mga alitan sa pagitan ng mga tao ay hindi kakailanganin para wasakin ang buong mundo; sa halip, ang mundo ay “sadyang masisiyahan sa sarili nito” sa loob ng duyan ng pagkastigo ng Diyos. Walang makakatakas; bawat tao ay kailangang magdaan sa pagsubok na ito, nang isa-isa. Pagkatapos niyon, ang buong sansinukob ay muling kikislap sa banal na kaningningan at ang buong sangkatauhan ay muling magsisimula ng isang bagong buhay. At mamamahinga ang Diyos sa ibabaw ng sansinukob at pagpapalain ang buong sangkatauhan bawat araw. Hindi na magiging lubhang mapanglaw ang langit, kundi mapapanumbalik ang siglang hindi na nito tinaglay mula nang likhain ang mundo, at ang pagsapit ng “ikaanim na araw” ay kung kailan magsisimula ang Diyos ng isang bagong buhay. Ang Diyos at sangkatauhan ay kapwa papasok sa kapahingahan at ang sansinukob ay hindi na magiging malabo o marumi, kundi mapapanibago. Kaya nga sinabi ng Diyos: “Hindi na tahimik at walang ingay na parang libingan ang mundo, hindi na mapanglaw at malungkot ang langit.” Sa kaharian ng langit, hindi nagkaroon kailanman ng kasamaan o mga damdamin ng tao, o anuman sa tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, dahil wala roon ang panggugulo ni Satanas. Nauunawaang lahat ng “mga tao” ang mga salita ng Diyos, at ang buhay sa langit ay isang buhay na puno ng kagalakan. Lahat ng nasa langit ay may karunungan at dignidad ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 18

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 231

Masasabi na lahat ng binigkas ngayon ay nagpopropesiya ng mga mangyayari sa hinaharap; ang mga pahayag na ito ay ang paraan ng Diyos sa pagsasaayos para sa susunod na hakbang ng Kanyang gawain. Halos tapos na ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga tao ng iglesia, at pagkatapos ay magpapakita Siya sa lahat ng tao nang may galit. Sabi nga ng Diyos, “Papangyarihin Ko na kilalanin ng mga tao sa lupa ang Aking mga ginagawa, at mapapatunayan ang Aking mga gawa sa harap ng ‘luklukan ng paghatol,’ upang ang mga iyon ay kilalanin ng mga tao sa buong daigdig, na magsisisukong lahat.” May nakita ba kayong anuman sa mga salitang ito? Narito ang buod ng susunod na bahagi ng gawain ng Diyos. Una, papangyarihin ng Diyos na lubos na makumbinsi ang lahat ng asong bantay na may-kapangyarihan sa pulitika at paaatrasin sila nang may pagkukusa mula sa yugto ng kasaysayan, upang hindi na muling makipag-agawan kailanman para sa katayuan, at hindi na muling mag-abala kailanman sa mga pakana at intriga. Ang gawaing ito ay kailangang isakatuparan sa pamamagitan ng Diyos, sa pamamagitan ng pagpapadala ng iba-ibang kalamidad sa lupa. Ngunit hindi talaga sa ganitong sitwasyon magpapakita ang Diyos. Sa panahong ito, ang bansa ng malaking pulang dragon ay magiging lupain pa rin ng karumihan, at samakatuwid ay hindi magpapakita ang Diyos, kundi lalabas lamang sa pamamagitan ng pagkastigo. Ganyan ang matuwid na disposisyon ng Diyos, na hindi matatakasan ninuman. Sa panahong ito, lahat ng nananahan sa bansa ng malaking pulang dragon ay daranas ng kalamidad, na natural lamang na kasama ang kaharian sa lupa (ang iglesia). Ito ang mismong panahon kung kailan lalabas ang mga katunayan, kaya nga mararanasan ito ng lahat ng tao, at walang sinumang makakatakas. Itinalaga na ito ng Diyos. Dahil mismo sa hakbang na ito ng gawain kaya sinasabi ng Diyos, “Ngayon ang panahon upang isakatuparan ang malalaking plano.” Dahil, sa hinaharap, wala nang iglesia sa lupa, at dahil sa pagdating ng matinding kapahamakan, ang makakaya lamang isipin ng mga tao ay ang nasa harapan nila, at kaliligtaan na nila ang iba pa, at magiging mahirap para sa kanila na matamasa ang Diyos sa gitna ng matinding kapahamakan. Sa gayon, hinihiling sa mga tao na buong-puso nilang mahalin ang Diyos sa kamangha-manghang panahong ito, upang hindi sila malagpasan ng pagkakataon. Kapag lumipas na ang katunayang ito, lubusan nang natalo ng Diyos ang malaking pulang dragon, at sa gayon ay nagwakas na ang gawain ng patotoo ng mga tao ng Diyos; pagkatapos, sisimulan ng Diyos ang susunod na hakbang ng gawain, ang pagwasak sa bansa ng malaking pulang dragon, at sa kahuli-hulihan ay ipapako sa krus nang pabaligtad ang lahat ng tao sa buong sansinukob, at pagkatapos ay lilipulin Niya ang buong sangkatauhan—ito ang mga hakbang ng gawain ng Diyos sa hinaharap. Sa gayon, dapat ninyong hangaring gawin ang lahat para mahalin ang Diyos sa payapang kapaligirang ito. Sa hinaharap mawawalan na kayo ng mga pagkakataong mahalin ang Diyos, sapagkat may pagkakataon lamang ang mga tao na mahalin ang Diyos sa laman; kapag nabubuhay na sila sa ibang mundo, wala nang sinumang magsasalita tungkol sa pagmamahal sa Diyos. Hindi ba ito ang responsibilidad ng isang nilalang? Kaya nga paano ninyo dapat mahalin ang Diyos sa mga panahon ng inyong buhay? Naisip mo na ba ito kahit kailan? Naghihintay ka ba hanggang sa mamatay ka para mahalin ang Diyos? Hindi ba ito hungkag na pananalita? Ngayon, bakit hindi mo patuloy na sinisikap mahalin ang Diyos? Tunay na pagmamahal ba sa Diyos ang mahalin Siya habang nananatili kang abala? Kaya sinabi na ang hakbang na ito ng gawain ng Diyos ay magwawakas na ay dahil may patotoo na ang Diyos sa harap ni Satanas. Sa gayon, wala nang kailangang gawin ang tao; hinihiling lamang sa tao na patuloy na sikaping mahalin ang Diyos sa mga taon ng kanyang buhay—ito ang susi. Dahil ang mga hinihiling ng Diyos ay hindi malaki, at, bukod pa riyan, dahil may nag-aalab na pagkabalisa sa Kanyang puso, nagbunyag na Siya ng isang buod ng susunod na hakbang ng gawain bago matapos ang hakbang na ito ng gawain, na malinaw na nagpapakita kung gaanong panahon pa ang natitira; kung hindi nababalisa ang Diyos sa Kanyang puso, bibigkasin ba Niya ang mga salitang ito nang napakaaga? Dahil maikli ang panahon kung kaya gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan. Sana’y makaya ninyong mahalin ang Diyos nang buong puso, buong isipan, at buong lakas, tulad ng pagmamahal ninyo sa inyong sariling buhay. Hindi ba ito isang buhay na napakamakahulugan? Saan pa ninyo matatagpuan ang kahulugan ng buhay? Hindi ba kayo nagpapakabulag? Handa ka bang mahalin ang Diyos? Nararapat ba ang Diyos sa pagmamahal ng tao? Nararapat ba ang mga tao sa pagsamba ng tao? Kaya, ano ang dapat mong gawin? Mahalin mo ang Diyos nang may tapang, nang walang pag-aalinlangan, at tingnan mo kung ano ang gagawin ng Diyos sa iyo. Tingnan mo kung papaslangin ka Niya. Sa kabuuan, ang atas na mahalin ang Diyos ay mas mahalaga kaysa ang kopyahin at isulat ang mga bagay-bagay para sa Diyos. Dapat mong unahin kung ano ang pinakamahalaga, upang ang iyong buhay ay magkaroon ng higit na halaga at mapuspos ng kaligayahan, at pagkatapos ay dapat mong hintayin ang “hatol” ng Diyos para sa iyo. Iniisip Ko kung kasama kaya sa plano mo ang mahalin ang Diyos. Ang mga plano sana ng lahat ay yaong tinatapos ng Diyos, at sana magkatotoo ang lahat ng iyon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 42

Sinundan: Pagkilala sa Gawain ng Diyos I

Sumunod: Disposisyon ng Diyos at Kung Ano ang Mayroon Siya at Ano Siya

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito