Paghatol sa mga Huling Araw

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 77

Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon ng pagtiwali ni Satanas sa kanya, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at maaaring madalisay ang tao. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay panlulupig at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; at sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang magpino, maghatol, at maglantad ganap na naibubunyag ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao. Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pag-alala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag nito. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa katawang tao, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, inihahayag nang walang katapusan ang kanyang satanikong disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw upang magtapat ng kasalanan sa gabi. Dahil dito, kahit na ang handog para sa kasalanan ay walang hanggan ang bisa sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakumpleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. Halimbawa, nang mapagtanto ng mga tao na sila ay nagmula kay Moab, nagreklamo sila, hindi na nila hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinakikita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng sangkatauhan sa kapangyarihan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong tiwaling satanikong disposisyon nila? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, ang iyong mga kamay ay nakataas nang mas mataas kaysa iba, maging kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas: “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging malapit sa Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Mag-alsa laban sa matandang Satanas! Mag-alsa laban sa malaking pulang dragon! Nawa’y ang malaking pulang dragon ay lubos na bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa’y gawin tayong ganap ng Diyos!” Ang iyong mga sigaw ay pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa’y nabunyag ang tiwaling disposisyon ng mga tao. Pagkatapos, tumigil ang kanilang mga sigaw, at wala na silang paninindigan. Ito ang katiwalian ng tao; mas malalim kaysa kasalanan, ito ay itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 78

Pagdating sa salitang “paghatol,” malamang na maiisip mo ang mga salitang sinabi ni Jehova para turuan ang mga tao sa bawat rehiyon at ang mga salitang sinabi ni Jesus para tuligsain ang mga Pariseo. Bagamat matigas ang mga pananalitang ito, ang mga ito ay hindi paghatol ng Diyos sa tao, mga salita lamang ito na sinabi ng Diyos sa loob ng magkakaibang mga kapaligiran, iyon ay, sa magkakaibang konteksto. Ang mga salitang ito ay hindi kagaya ng mga salitang sinabi ni Cristo ng mga huling araw habang hinahatulan Niya ang tao. Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos. Kung hindi mo pinag-uukulan ang mga katotohanang ito ng pagpapahalaga at palaging iniisip ang pag-iwas sa mga ito, o paghahanap ng isang bagong daan bukod sa mga ito, kung gayon sinasabi Kong lubha kang makasalanan. Kung mayroon kang pananampalataya sa Diyos, ngunit hindi mo hinahanap ang katotohanan o ang kalooban ng Diyos, ni hindi iniibig ang daan na naglalapit sa iyo sa Diyos, kung gayon sinasabi Kong ikaw ay isa na sinusubukang iwasan ang paghatol, at na isa kang sunud-sunuran at taksil na tumatakas mula sa dakilang puting luklukan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinuman sa mga mapanghimagsik na tumatakas sa ilalim ng Kanyang mga mata. Ang gayong mga tao ay makatatanggap ng lalo pang mas mabigat na kaparusahan. Silang mga nagsilapit sa harap ng Diyos upang mahatulan, at higit pa ay nadalisay na, ay mananahan magpakailanman sa kaharian ng Diyos. Siyempre, ito ay bagay na nabibilang sa hinaharap.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 79

Ang gawain ng paghatol ay sariling gawain ng Diyos, kaya natural na ang Diyos Mismo ang dapat gumawa nito; hindi ito maaaring gawin ng tao para sa Kanya. Sapagkat ang paghatol ay ang paglupig sa lahi ng tao sa pamamagitan ng katotohanan, walang pag-aalinlangan na magpapakita pa rin ang Diyos bilang nagkatawang-taong imahe upang gawin ang gawaing ito sa mga tao. Ibig sabihin, gagamitin ng Cristo ng mga huling araw ang katotohanan upang turuan ang mga tao sa buong mundo at ipaalam ang lahat ng katotohanan sa kanila. Ito ang gawain ng paghatol ng Diyos. Maraming may di-kasiya-siyang damdamin tungkol sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, dahil mahirap para sa tao na paniwalaan na ang Diyos ay magkakatawang-tao upang gawin ang paghatol. Gayunpaman, kailangang sabihin Ko sa iyo na kadalasan ang gawain ng Diyos ay lumalampas nang labis sa mga inaasahan ng tao, at mahirap para sa mga isipan ng mga tao na tanggapin. Sapagkat ang mga tao ay mga uod lamang sa lupa, samantalang ang Diyos ay ang kataas-taasang Isa na pumupuno sa sansinukob; ang isipan ng tao ay katulad lamang ng isang balon ng maruming tubig na nagbubunga lamang ng mga uod, samantalang ang bawat yugto ng gawain na pinapatnubayan ng mga kaisipan ng Diyos ay ang bunga ng karunungan ng Diyos. Palaging hinahangad ng tao na makipaglaban sa Diyos, kung saan ay sinasabi Ko na hayag na hayag kung sino ang magdurusa ng kawalan sa katapusan. Ipinapayo Ko sa inyong lahat na huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na mas mahalaga kaysa ginto. Kung kaya ng iba na tanggapin ang paghatol ng Diyos, bakit hindi mo kaya? Gaano ka na ba kataas kaysa sa iba? Kung kaya ng iba na magyuko ng ulo sa harap ng katotohanan, bakit hindi mo rin magawa ang ganoon? Ang gawain ng Diyos ay mayroong hindi-mahahadlangang bilis ng pagtakbo. Hindi na Niya uulitin ang gawain ng paghatol dahil lang sa “kontribusyon” na nagawa mo, at labis kang magsisisi dahil pinalagpas mo ang gayon kagandang pagkakataon. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang Aking mga salita, kung gayon maghintay ka na lamang sa malaking puting luklukan sa langit na magpasa ng paghatol sa iyo! Kailangang malaman mo na lahat ng Israelita ay tinanggihan at itinatwa si Jesus, gayunman ang katunayan ng pagtubos ni Jesus sa sangkatauhan ay umabot pa rin sa buong sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo. Hindi ba ito isang realidad na matagal nang ginawa ng Diyos? Kung naghihintay ka pa rin kay Jesus na dalhin ka paakyat sa langit, kung gayon ay sinasabi Ko na isa kang sutil na piraso ng tuyong kahoy.[a] Hindi kikilalanin ni Jesus ang isang huwad na tagasunod na kagaya mo, na hindi tapat sa katotohanan at naghahangad lamang ng mga biyaya. Sa kabaligtaran, hindi Siya magpapakita ng awa sa paghahagis sa iyo sa lawa ng apoy upang masunog sa loob ng sampu-sampung libong taon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Talababa:

a. Isang piraso ng tuyong kahoy: isang kawikaang Tsino, na ang ibig sabihin ay “walang pag-asa.”


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 80

Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung naunawaan mo na, ipinapayo Ko na masunuring magpasakop sa pagpapahatol, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na papurihan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Yaong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring mapadalisay, ibig sabihin, yaong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay kamumuhian at itatakwil ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas marami, at mas mabigat, kaysa roon sa mga Pariseo, sapagkat pinagtaksilan nila ang Diyos at naghimagsik sila laban sa Diyos. Ang gayong mga tao na ni hindi karapat-dapat na magsagawa ng paglilingkod ay tatanggap ng mas mabigat na parusa, isang parusang bukod diyan ay pangwalang-hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang ganitong mga tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba ito mismo ang paghahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba ito ang layunin ng Diyos sa paghatol sa tao, at pagbubunyag sa kanya? Ipapadala ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hahayaan ang masasamang espiritung ito na wasakin ang kanilang katawang laman ayon sa gusto ng mga ito, at ang kanilang katawan ay mangangamoy bangkay. Iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos sa kanilang mga talaang aklat ang bawat isa sa mga kasalanan niyaong mga nananalig na hindi tapat at huwad, mga huwad na apostol, at mga huwad na manggagawa; pagkatapos, sa tamang panahon, itatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hahayaan ang maruruming espiritung ito na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto ng mga ito, upang hindi na sila makapagkatawang-taong muli kailanman at hindi na makitang muli ang liwanag kailanman. Yaong mga ipokrito na minsang naglingkod ngunit hindi nanatiling tapat hanggang sa huli ay ibinibilang ng Diyos sa masasama, kaya bumabagsak sila sa pakikipagsosyo sa mga masasama at nagiging bahagi ng kanilang magulong grupo; sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos yaong mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o hindi kailanman naglaan ng anumang pagsisikap nila, at pupuksain Niya silang lahat sa pagbabago ng mga kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Yaong hindi kailanman naging tapat sa Diyos, ngunit napilitan dahil sa kanilang kalagayan na humarap sa Kanya nang madalian, ay ibinibilang sa mga yaong naglilingkod para sa Kanyang bayan. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang ang karamihan ay mamamatay na kasama ng mga nagbigay ng serbisyo na hindi umabot sa pamantayan. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na ang isipan ay kaayon ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos, at pati na yaong mga itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Sila ang magiging bunga ng paglilinis na mula sa gawain ng Diyos. Patungkol sa mga yaong hindi kabilang sa anumang kategoryang inilatag ng Diyos, ibibilang sila sa mga di-mananampalataya—at tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kahihinatnan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; kayo ang magpapasya kung aling landas ang inyong pipiliin. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinumang hindi nakakasabay sa Kanya, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 81

Hindi inuulit ng Diyos ang gawain sa anumang kapanahunan. Dahil dumating na ang mga huling araw, gagawin Niya ang gawaing ginagawa Niya sa mga huling araw at ibubunyag ang Kanyang buong disposisyon sa mga huling araw. Kapag pinag-uusapan ang mga huling araw, tumutukoy ito sa nakahiwalay na kapanahunan, kung saan sinabi ni Jesus na tiyak kayong makararanas ng sakuna, at makararanas ng mga lindol, taggutom, at mga salot, na magpapakita na ito ay isang bagong kapanahunan at hindi na ang dating Kapanahunan ng Biyaya. Kung, katulad ng sinasabi ng mga tao, ang Diyos ay hindi kailanman nagbabago, ang Kanyang disposisyon ay laging mahabagin at mapagmahal, na mahal Niya ang tao gaya ng pagmamahal Niya sa Kanyang sarili, at naghahandog Siya ng kaligtasan sa bawat tao at hindi kailanman kinasusuklaman ang tao, matatapos ba ang Kanyang gawain? Nang dumating si Jesus at ipinako sa krus, at inialay Niya ang Kanyang sarili para sa lahat ng makasalanan at inihandog ang Kanyang sarili sa altar, naisakatuparan na Niya ang gawain ng pagtubos at naihatid na ang Kapanahunan ng Biyaya sa katapusan nito. Kaya ano ang magiging saysay ng pag-uulit sa gawain ng kapanahunang iyon sa mga huling araw? Hindi ba’t ang paggawa ng parehong bagay ay pagtanggi sa gawain ni Jesus? Kung hindi ginawa ng Diyos ang gawain ng pagpapapako sa krus noong Siya ay dumating sa yugtong ito, kundi nanatiling mahabagin at mapagmahal, madadala ba Niya ang kapanahunang ito sa katapusan? Mawawakasan ba ng isang mahabagin at mapagmahal na Diyos ang kapanahunang ito? Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay isang pagkastigo at paghatol, kung saan inihahayag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto ang mga nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang kalikasan. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng sangkatauhan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para mailantad ang kanilang pagsuway at pagiging di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kalalabasan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang buong sangkatauhan ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kalalabasan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sasailalim sa pamamahala ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing pinagsama ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang ganap na babago at bubuo sa tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay makapagbibigay nang matinding parusa sa lahat ng hindi matuwid. Samakatuwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan, at ang pagpapahayag at pagpapakita ng Kanyang disposisyon ay ipinamamalas para sa kapakanan ng gawain sa bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang gayon-gayon na lamang at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na sa pagbubunyag ng kalalabasan ng tao sa mga huling araw, igagawad pa rin ng Diyos sa tao ang walang-hanggang awa at pagmamahal at patuloy na magiging mapagmahal sa mga tao, hindi isasailalim ang tao sa matuwid na paghatol kundi magpapakita sa kanya ng pagpaparaya, pagtitiis, at pagpapatawad, at papatawarin ang tao gaano man katindi ang mga kasalanan niya, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol; kailan kung gayon magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang mapangunahan ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa nararapat na hantungan ng sangkatauhan? Gawing halimbawa, ang isang hukom na laging mapagmahal, may maamong mukha at magiliw na puso. Mahal niya ang mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa sinumang tao. Kung gayon, kailan siya makaaabot sa isang makatwirang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makapaghihiwalay sa tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa tao sa isang bagong kaharian. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay dadalhin sa katapusan sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 82

May sukdulang kabuluhan ang Kanyang gawain sa katawang-tao, na sinasabi tungkol sa gawain, at ang Siya na sa huli ay tumatapos sa gawain ay ang Diyos na nagkatawang-tao, at hindi ang Espiritu. Naniniwala ang ilan na maaaring pumarito sa lupa ang Diyos sa isang hindi pa batid na panahon at magpakita sa tao, kung saan hahatulan Niya mismo ang buong sangkatauhan, susubukan ang bawat isa nang walang sinumang naiiwan. Hindi alam ng mga nag-iisip sa ganitong paraan ang yugtong ito ng gawain ng pagkakatawang-tao. Hindi paisa-isang hinahatulan ng Diyos ang tao, at hindi paisa-isang sinusubukan ang tao; hindi magiging gawain ng paghatol ang paggawa ng gayon. Hindi ba’t magkakatulad ang katiwalian ng lahat ng sangkatauhan? Hindi ba’t magkakatulad ang diwa ng lahat ng sangkatauhan? Ang hinahatulan ay ang tiwaling diwa ng sangkatauhan, ang diwa ng tao na ginawang tiwali ni Satanas, at ang lahat ng kasalanan ng tao. Hindi hinahatulan ng Diyos ang mga walang kapararakan at walang kabuluhang pagkakamali ng tao. Mapagkatawan ang gawain ng paghatol, at hindi ito isinasagawa para sa isang tiyak na tao. Sa halip, gawain ito na kung saan hinahatulan ang isang pangkat ng mga tao upang kumatawan sa paghatol sa lahat ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng personal na pagsasagawa ng Kanyang gawain sa isang pangkat ng mga tao, ginagamit ng Diyos sa katawang-tao ang Kanyang gawain upang kumatawan sa gawain ng buong sangkatauhan, upang unti-unting ipalaganap pagkaraan. Ganito rin ang gawain ng paghatol. Hindi hinahatulan ng Diyos ang isang tiyak na uri ng tao o isang tiyak na pangkat ng mga tao, bagkus ay hinahatulan ang hindi pagkamatuwid ng buong sangkatauhan—ang pagsalungat ng tao sa Diyos, halimbawa, o kawalang-galang ng tao sa Kanya, o paggambala ng tao sa gawain ng Diyos, at kung ano-ano pa. Ang hinahatulan ay ang diwa ng pagsalungat ng sangkatauhan sa Diyos, at ang gawaing ito ay ang gawain ng paglupig sa mga huling araw. Ang gawain at salita ng Diyos na nagkatawang-tao na nasaksihan ng tao ay gawain ng paghatol sa harap ng malaking puting trono sa mga huling araw, na naisip ng tao sa mga nakaraang panahon. Ang gawain na kasalukuyang ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay siyang-siyang paghatol sa harap ng malaking puting trono. Ang Diyos na nagkatawang-tao ngayon ay ang Diyos na humahatol sa buong sangkatauhan sa panahon ng mga huling araw. Ang katawang-tao na ito at ang Kanyang gawain, Kanyang salita, at Kanyang buong disposisyon ay ang kabuuan Niya. Bagama’t may hangganan ang saklaw ng Kanyang gawain, at hindi tuwirang nasasangkot ang buong sansinukob, ang diwa ng gawain ng paghatol ay ang tuwirang paghatol sa lahat ng sangkatauhan—hindi lamang alang-alang sa mga hinirang na tao sa Tsina, o alang-alang sa isang maliit na bilang ng mga tao. Sa panahon ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, bagama’t hindi kabilang ang buong sansinukob sa saklaw ng gawaing ito, kumakatawan ito sa gawain ng buong sansinukob, at pagkaraan Niyang tapusin ang gawain sa loob ng gawaing saklaw ng Kanyang katawang-tao, agad Niyang palalawakin ang gawaing ito sa buong sansinukob, sa katulad na paraan na lumaganap sa buong sansinukob ang ebanghelyo ni Jesus kasunod ng Kanyang muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit. Gawain man ito ng Espiritu o gawain ng katawang-tao, gawain ito na isinasagawa sa loob ng isang limitadong saklaw, ngunit kumakatawan sa gawain ng buong sansinukob. Sa panahon ng mga huling araw, ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng pagpapakita sa Kanyang nagkatawang-taong pagkakakilanlan, at ang Diyos sa katawang-tao ay ang Diyos na humahatol sa tao sa harap ng malaking puting trono. Espiritu man Siya o ang katawang-tao, Siya na gumagawa ng gawain ng paghatol ay ang Diyos na humahatol sa sangkatauhan sa mga huling araw. Natutukoy ito ayon sa Kanyang gawain, at hindi natutukoy ayon sa Kanyang panlabas na kaanyuan o iba pang mga kadahilanan. Bagama’t nagkikimkim ang tao ng mga kuru-kuro sa mga salitang ito, walang sinuman ang makapagtatatwa sa katunayan ng paghatol at paglupig ng Diyos na nagkatawang-tao sa lahat ng sangkatauhan. Kung anuman ang iniisip ng tao hinggil dito, ang mga katunayan, sa kabila ng lahat, ay mga katunayan. Walang sinuman ang makakayang magsabi na “Ang gawain ay ginagawa ng Diyos, ngunit ang katawang-tao ay hindi Diyos.” Wala itong katuturan, dahil ang gawaing ito ay maaari lamang gawin ng Diyos sa katawang-tao. Dahil nagawa nang ganap ang gawaing ito, kasunod ng gawaing ito, hindi lilitaw sa pangalawang pagkakataon ang gawain ng paghatol ng Diyos sa tao; natapos na ng Diyos sa Kanyang pangalawang pagkakatawang-tao ang lahat ng gawain ng buong pamamahala, at wala nang magiging ikaapat na yugto ng gawain ng Diyos. Sapagkat ang tao ang siyang hinahatulan, ang tao ng laman at naging tiwali, at hindi ang espiritu ni Satanas ang tuwirang hinahatulan, ang gawain ng paghatol, kung gayon, ay hindi tinutupad sa espirituwal na daigdig, kundi sa gitna ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 83

Walang sinumang higit na angkop, at karapat-dapat, kaysa sa Diyos sa katawang-tao para sa gawain ng paghatol sa katiwalian ng laman ng tao. Kung ang paghatol ay tuwirang isinagawa ng Espiritu ng Diyos, kung gayon, hindi ito sasaklaw sa lahat. Bukod dito, magiging mahirap para sa tao na tanggapin ang gayong gawain, sapagkat hindi magagawa ng Espiritu na lumapit nang harap-harapan sa tao, at dahil dito, hindi magiging agaran ang mga bisa, hindi makikita ng tao nang lalong malinaw ang hindi nalalabag na disposisyon ng Diyos. Lubusang magagapi lamang si Satanas kung hahatulan ng Diyos sa katawang-tao ang katiwalian ng sangkatauhan. Dahil tulad sa tao na nagtataglay ng normal na pagkatao, maaaring tuwirang hatulan ng Diyos sa katawang-tao ang hindi pagiging matuwid ng tao; ito ang tatak ng Kanyang likas na kabanalan, at ng Kanyang pagiging katangi-tangi. Tanging ang Diyos ang karapat-dapat, at nasa katayuan na hatulan ang tao, sapagkat taglay Niya ang katotohanan, at pagiging matuwid, kaya nga nagagawa Niyang hatulan ang tao. Yaong mga walang katotohanan at katuwiran ay hindi nababagay na hatulan ang iba. Kung ginawa ng Espiritu ng Diyos ang gawaing ito, kung gayon ay hindi ito mangangahulugan ng tagumpay laban kay Satanas. Likas na higit na mabunyi ang Espiritu kaysa mga mortal na nilalang, at likas na banal ang Espiritu ng Diyos, at matagumpay laban sa laman. Kung tuwirang ginawa ng Espiritu ang gawaing ito, hindi Niya magagawang hatulan ang lahat ng pagsuway ng tao at hindi makakayang ibunyag ang lahat ng di-pagkamatuwid ng tao. Sapagkat natutupad din ang gawain ng paghatol sa pamamagitan ng mga kuru-kuro ng tao sa Diyos, at ang tao ay hindi kailanman nagkaroon ng anumang mga kuru-kuro sa Espiritu, at sa gayon ay hindi kaya ng Espiritu ang higit na mainam na paghahayag sa di-pagkamatuwid ng tao, lalong hindi kaya ang ganap na paghahayag ng gayong di-pagkamatuwid. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang kaaway ng lahat ng tao na hindi nakakakilala sa Kanya. Sa pamamagitan ng paghatol sa mga kuru-kuro ng tao at pagsalungat sa Kanya, isinisiwalat Niya ang lahat ng pagsuway ng sangkatauhan. Higit na malinaw ang mga epekto ng Kanyang gawain sa katawang-tao kaysa sa mga gawain ng Espiritu. At kaya, hindi tuwirang isinasagawa ng Espiritu ang paghatol sa lahat ng sangkatauhan, bagkus ay ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao. Makakayang makita at mahawakan ng tao ang Diyos sa katawang-tao, at ang Diyos sa katawang-tao ay makakayang ganap na lupigin ang tao. Sa kanyang kaugnayan sa Diyos sa katawang-tao, umuusad ang tao mula sa pagsalungat patungo sa pagsunod, mula sa pag-uusig patungo sa pagtanggap, mula sa mga kuru-kuro patungo sa kaalaman, at mula sa pagtanggi patungo sa pagmamahal—ito ang mga epekto ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Naliligtas lamang ang tao sa pamamagitan ng pagtanggap ng Kanyang paghatol, unti-unti lamang na nakikilala Siya ng tao sa pamamagitan ng mga salita ng Kanyang bibig, nalulupig Niya ang tao sa panahon ng pagsalungat nito sa Kanya, at tumatanggap siya ng panustos ng buhay mula sa Kanya sa panahon ng pagtanggap ng Kanyang pagkastigo. Ang lahat ng gawaing ito ay ang gawain ng Diyos sa katawang-tao, at hindi ang gawain ng Diyos sa Kanyang pagkakakilanlan bilang Espiritu. Ang gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang pinakadakilang gawain, at ang pinakamasidhing gawain, at ang pinakamahalagang bahagi ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay ang dalawang yugto ng gawain ng pagkakatawang-tao. Isang malaking balakid ang matinding katiwalian ng tao sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Sa partikular, lubhang napakahirap na gawain ang isinagawa sa mga tao sa mga huling araw, at mapanlaban ang kapaligiran, at may kahinaan ang kakayahan ng bawat uri ng tao. Ngunit sa katapusan ng gawain na ito, makakamit pa rin nito ang tamang epekto, nang walang mga anumang kapintasan; ito ay ang epekto ng gawain ng katawang-tao, at higit na mapanghikayat ang epektong ito kaysa sa gawain ng Espiritu. Tatapusin sa katawang-tao ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos, at dapat tapusin ang mga ito ng Diyos na nagkatawang-tao. Ginagawa sa katawang-tao ang pinakamahalaga at pinakamaselang gawain, at dapat personal na isagawa ng Diyos sa katawang-tao ang kaligtasan ng tao. Bagama’t nararamdaman ng lahat ng sangkatauhan na tila walang kaugnayan sa tao ang Diyos sa katawang-tao, sa katunayan ay nauugnay sa kapalaran at pag-iral ng buong sangkatauhan ang katawang-tao na ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 84

Ngayon ay hinahatulan ka ng Diyos, kinakastigo ka, at kinokondena ka, ngunit kailangan mong malaman na ang punto ng pagkondena sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay nagkokondena, nagsusumpa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, bukod pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga kinakailangan sa Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal, nagliligtas, humahatol, at kumakastigo sa tao. Kung alam mo lamang na mababa ang iyong katayuan, na ikaw ay tiwali at masuwayin, ngunit hindi mo alam na ninanais ng Diyos na gawing malinaw ang Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo na Kanyang ginagawa sa iyo ngayon, wala kang paraan para magtamo ng karanasan, lalong wala kang kakayahang patuloy na sumulong. Ang Diyos ay hindi naparito upang pumatay o manira, kundi upang humatol, sumumpa, kumastigo, at magligtas. Hanggang sa matapos ang Kanyang 6,000 taong plano ng pamamahala—bago Niya ihayag ang kalalabasan ng bawat kategorya ng tao—ang gawain ng Diyos sa lupa ay para sa pagliligtas, ang layunin nito ay para lamang gawing ganap—nang lubusan—yaong mga nagmamahal sa Kanya at mapasakop sila sa Kanyang kapamahalaan. Paano man inililigtas ng Diyos ang mga tao, ginagawang lahat iyon sa pamamagitan ng paghiwalay sa kanila sa dati nilang satanikong kalikasan; ibig sabihin, inililigtas Niya sila sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na hangarin ang buhay. Kung hindi nila gagawin iyon, walang paraan upang matanggap nila ang pagliligtas ng Diyos. Ang pagliligtas ay ang gawain ng Diyos Mismo, at ang paghahangad sa buhay ay isang bagay na kailangang gawin ng tao upang tumanggap ng kaligtasan. Sa mga mata ng tao, ang kaligtasan ay ang pag-ibig ng Diyos, at ang pag-ibig ng Diyos ay hindi maaaring maging pagkastigo, paghatol, at mga pagsumpa; ang pagliligtas ay kailangang naglalaman ng pagmamahal, ng habag, at, bukod pa rito, ng mga salita ng kaginhawahan, gayundin ng walang-hanggang mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos. Naniniwala ang mga tao na kapag inililigtas ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon sa pamamagitan ng pag-antig sa kanila gamit ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, para maibigay nila ang kanilang puso sa Diyos. Ibig sabihin, ang Kanyang pag-antig sa tao ay pagliligtas Niya sa kanila. Ang ganitong uri ng pagliligtas ay ginagawa sa pamamagitan ng pakikipagkasundo. Kapag pinagkalooban sila ng Diyos ng isandaang beses, saka pa lamang magpapasakop ang tao sa pangalan ng Diyos at magsisikap na gumawa ng mabuti para sa Kanya at maghatid sa Kanya ng kaluwalhatian. Hindi ito ang layon ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang Diyos ay naparito para gumawa sa lupa upang iligtas ang tiwaling sangkatauhan; walang kasinungalingan dito. Kung mayroon, tiyak na hindi sana Siya naparito upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dati-rati, ang Kanyang paraan ng pagliligtas ay may kasamang pagpapakita ng sukdulang pag-ibig at habag, kaya ibinigay Niya ang lahat Niya kay Satanas kapalit ng buong sangkatauhan. Ang kasalukuyan ay hindi kagaya ng nakaraan: Ang kaligtasang ipinagkaloob sa inyo ngayon ay nangyayari sa panahon ng mga huling araw, kung kailan ibinubukod ang bawat isa ayon sa uri; ang paraan ng inyong kaligtasan ay hindi pag-ibig o habag, kundi pagkastigo at paghatol, upang ang tao ay maaaring mas lubusang maligtas. Sa gayon, ang natatanggap lamang ninyo ay pagkastigo, paghatol, at walang-awang paghampas, ngunit dapat ninyong malaman ito: Sa walang-pusong paghampas na ito wala ni kakatiting na kaparusahan. Gaano man kabagsik ang Aking mga salita, ang sumasapit sa inyo ay iilang salita lamang na maaaring magmukhang lubos na walang puso sa inyo, at gaano man katindi ang Aking galit, ang dumarating sa inyo ay mga salita pa rin ng pagtuturo, at hindi Ko layon na saktan kayo o patayin kayo. Hindi ba totoo ang lahat ng ito? Dapat ninyong malaman na sa panahong ito, matuwid na paghatol man o walang-pusong pagpipino at pagkastigo, lahat ay para sa kapakanan ng kaligtasan. Ibinubukod man ngayon ang bawat isa ayon sa uri o inilalantad ang mga kategorya ng tao, ang layunin ng lahat ng salita at gawain ng Diyos ay upang iligtas yaong mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Ang matuwid na paghatol ay pinasasapit upang dalisayin ang tao, at ang walang-pusong pagpipino ay ginagawa upang linisin sila; ang masasakit na salita o pagkastigo ay kapwa ginagawa upang magpadalisay at alang-alang sa kaligtasan. Sa gayon, ang pamamaraan ng pagliligtas ngayon ay hindi kagaya noong araw. Ngayon, inililigtas kayo sa pamamagitan ng matuwid na paghatol, at ito ay isang mabuting kasangkapan para maibukod ang bawat isa sa inyo ayon sa uri. Bukod diyan, ang malupit na pagkastigo ay nagsisilbing inyong sukdulang kaligtasan—at ano ang masasabi ninyo sa harap ng gayong pagkastigo at paghatol? Hindi ba kayo palaging nagtamasa ng pagliligtas, mula simula hanggang wakas? Nakita na ninyo ang Diyos na nagkatawang-tao at napagtanto ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan at karunungan; at saka, naranasan na ninyo ang paulit-ulit na paghampas at pagdisiplina. Gayunman, hindi ba nakatanggap din kayo ng pinakadakilang biyaya? Hindi ba mas malaki ang inyong mga pagpapala kaysa iba pa? Ang inyong mga biyaya ay mas sagana pa nga kaysa sa kaluwalhatian at mga kayamanang tinamasa ni Solomon! Pag-isipan ninyo ito: Kung ang Aking layon sa pagparito ay upang kondenahin at parusahan kayo sa halip na iligtas kayo, nagtagal kaya ang buhay ninyo? Buhay pa kaya hanggang ngayon kayong mga makasalanang nilalang na laman at dugo? Kung ang Aking mithiin ay para lamang parusahan kayo, bakit pa Ako nagkatawang-tao at nagsimula ng gayon kalaking proyekto? Hindi ba kayong mga hamak na mortal ay maaaring parusahan sa pagbigkas lamang ng iisang salita? Kakailanganin Ko pa ba kayong puksain matapos Ko kayong sadyang kondenahin? Hindi pa rin ba kayo naniniwala sa mga salita Kong ito? Maaari Ko bang iligtas ang tao sa pamamagitan lamang ng pag-ibig at habag? O maaari Ko bang gamitin na lamang ang pagkakapako sa krus upang iligtas ang tao? Hindi ba mas kaaya-aya ang Aking matuwid na disposisyon para magawang lubos na masunurin ang tao? Hindi ba mas may kakayahan ito na lubusang iligtas ang tao?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 85

Bagama’t maaaring mabagsik ang Aking mga salita, ipinapahayag ang lahat ng iyon para sa kaligtasan ng tao, dahil nagpapahayag lamang Ako ng mga salita at hindi Ko pinarurusahan ang laman ng tao. Ang mga salitang ito ay nagiging dahilan upang mabuhay ang tao sa liwanag, upang malaman nila na mayroong liwanag, upang malaman nila na ang liwanag ay mahalaga, at, higit pa rito, upang malaman kung gaano kalaki ang pakinabang ng mga salitang ito sa kanila, gayundin upang malaman na ang Diyos ay kaligtasan. Bagama’t nagpahayag na Ako ng maraming salita ng pagkastigo at paghatol, ang kinakatawan ng mga ito ay hindi pa talaga nagagawa sa inyo. Naparito Ako upang gawin ang Aking gawain at ipahayag ang Aking mga salita, at bagama’t maaaring mahigpit ang Aking mga salita, ipinapahayag ang mga ito sa paghatol sa inyong katiwalian at pagkasuwail. Ang layunin ng Aking paggawa nito ay nananatiling upang iligtas ang tao mula sa sakop ni Satanas; ginagamit Ko ang Aking mga salita upang iligtas ang tao. Ang Aking layunin ay hindi upang saktan ang tao gamit ang Aking mga salita. Ang Aking mga salita ay mabagsik upang makamit ang mga resulta sa Aking gawain. Sa pamamagitan lamang ng gayong gawain makikilala ng tao ang kanilang sarili at makakahiwalay sa kanilang suwail na disposisyon. Ang pinakadakilang kabuluhan ng gawain ng mga salita ay ang pagtutulot sa tao na isagawa ang katotohanan matapos itong maunawaan, na mabago ang kanilang disposisyon, at magtamo ng kaalaman tungkol sa kanilang sarili at sa gawain ng Diyos. Sa paggawa lamang ng gawain sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga salita maaaring magawang posible ang komunikasyon sa pagitan ng Diyos at ng tao, at mga salita lamang ang maaaring magpaliwanag sa katotohanan. Ang paggawa sa ganitong paraan ang pinakamahusay na paraan ng paglupig sa tao; bukod sa pagbigkas ng mga salita, wala nang iba pang pamamaraan ang may kakayahang magbigay sa tao ng mas malinaw na pagkaunawa sa katotohanan at sa gawain ng Diyos. Sa gayon, sa huling yugto ng Kanyang gawain, nangungusap ang Diyos sa tao upang ipahayag sa kanila ang lahat ng katotohanan at hiwaga na hindi pa nila nauunawaan, na nagtutulot na matamo nila mula sa Diyos ang tunay na daan at ang buhay, at sa gayo’y masunod ang Kanyang kalooban. Ang layunin ng gawain ng Diyos sa tao ay upang masunod nila ang kalooban ng Diyos, at ginagawa ito upang dalhan sila ng kaligtasan. Sa gayon, sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao, hindi Niya ginagawa ang gawain ng pagpaparusa sa kanila. Habang naghahatid ng kaligtasan sa tao, hindi pinarurusahan ng Diyos ang masama o ginagantimpalaan ang mabuti, ni hindi Niya ibinubunyag ang mga hantungan ng iba’t ibang klase ng mga tao. Sa halip, pagkatapos ng huling yugto ng Kanyang gawain, saka lamang Niya gagawin ang gawain ng pagpaparusa sa masama at paggantimpala sa mabuti, at saka pa lamang Niya ibubunyag ang mga katapusan ng lahat ng uri ng mga tao. Yaong mga pinarurusahan ay yaong hindi talaga nagagawang iligtas, samantalang yaong mga inililigtas ay yaong mga nagkamit ng pagliligtas ng Diyos sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao. Habang ginagawa ang gawain ng pagliligtas ng Diyos, bawat isang tao na maaaring iligtas ay ililigtas hangga’t maaari, at walang isa man sa kanila ang itatapon, dahil ang layunin ng gawain ng Diyos ay iligtas ang tao. Lahat sila, sa panahon ng pagliligtas ng Diyos sa tao, na hindi nagagawang magkamit ng pagbabago sa kanilang disposisyon—pati na lahat ng hindi nagagawang lubos na magpasakop sa Diyos—ay magiging mga pakay ng kaparusahan. Ang yugtong ito ng gawain—ang gawain ng mga salita—ay bubuksan sa mga tao ang lahat ng paraan at hiwaga na hindi nila nauunawaan, upang maunawaan nila ang kalooban at mga ipinagagawa ng Diyos sa kanila, at upang mapasakanila ang mga kinakailangan upang maisagawa ang mga salita ng Diyos at magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon. Ang Diyos ay gumagamit lamang ng mga salita upang gawin ang Kanyang gawain at hindi pinarurusahan ang mga tao dahil sa pagiging medyo mapanghimagsik; ito ay dahil ngayon na ang panahon ng gawain ng pagliligtas. Kung parurusahan ang sinumang kumilos nang mapanghimagsik, walang sinumang magkakaroon ng pagkakataon na maligtas; lahat ay parurusahan at babagsak sa Hades. Ang layunin ng mga salita na humahatol sa tao ay upang tulutan silang makilala ang kanilang sarili at magpasakop sa Diyos; hindi ito para parusahan sila sa gayong paghatol. Sa panahon ng gawain ng mga salita, malalantad ang pagkasuwail at paglaban ng maraming tao, gayundin ang kanilang pagsuway sa Diyos na nagkatawang-tao. Gayunpaman, hindi Niya parurusahan ang lahat ng taong ito dahil dito, kundi sa halip ay itatakwil lamang yaong mga tiwali sa kaloob-looban at hindi maaaring iligtas. Ibibigay Niya ang kanilang laman kay Satanas, at sa ilang sitwasyon, wawakasan ang kanilang laman. Yaong mga natira ay patuloy na susunod at mararanasang pakitunguhan at tabasan. Kung, habang sumusunod, hindi pa rin kayang tanggapin ng mga taong ito na pakitunguhan at tabasan, at lalong sumama nang sumama, mawawalan sila ng pagkakataong maligtas. Bawat taong nagpasakop na sa paglupig ng mga salita ng Diyos ay magkakaroon ng sapat na pagkakataon para maligtas; ang pagliligtas ng Diyos sa bawat isa sa mga taong ito ay magpapakita ng Kanyang lubhang kaluwagan. Sa madaling salita, pakikitaan sila ng lubos na pagpaparaya. Hangga’t tumatalikod ang mga tao mula sa maling landas, at hangga’t nakakapagsisi sila, bibigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataong makamtan ang Kanyang pagliligtas. Sa unang pagsuway ng mga tao sa Diyos, wala Siyang hangad na patayin sila; sa halip, ginagawa Niya ang lahat upang iligtas sila. Kung wala talagang paraang mailigtas ang isang tao, itatakwil sila ng Diyos. Kaya mabagal ang Diyos sa pagparusa sa ilang mga tao ay dahil nais Niyang iligtas ang lahat ng maaaring mailigtas. Hinahatulan, nililiwanagan, at ginagabayan Niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salita lamang, at hindi Siya gumagamit ng pamalo para patayin sila. Ang paggamit ng mga salita upang iligtas ang mga tao ay ang layunin at kabuluhan ng huling yugto ng gawain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 86

Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng kaalaman tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nagpapalampas ng pagkakasala, at ni hindi niya mapapalitan ng bago ang dati niyang pagkakilala sa Diyos. Alang-alang sa Kanyang patotoo, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, ipinapakita Niya ang Kanyang kabuuan sa publiko, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa publiko, na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, baguhin ang kanyang disposisyon, at magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at maging kaayon ng puso ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at halimbawa ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong kaayon ng puso ng Diyos. Ngayon, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at hinihiling Niya sa tao na magkamit ng kaalaman tungkol sa Kanya, pagsunod sa Kanya, patotoo sa Kanya, malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, sundin ang lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at magpatotoo sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na ang lahat ng gawang isinasakatuparan Niya upang lupigin ang tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at totoo, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagdaan sa Kanyang paghatol at pagkastigo, pakikitungo at pagtatabas, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya, at ginagamit din Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita lamang, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya nailigtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 87

Sa anong mga kaparaanan isinasakatuparan ang pagperpekto ng Diyos sa tao? Isinasakatuparan ito sa pamamagitan ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos higit sa lahat ay binubuo ng katuwiran, poot, pagiging maharlika, paghatol, at sumpa, at ginagawa Niyang perpekto ang tao higit sa lahat ay sa pamamagitan ng Kanyang paghatol. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao, at itinatanong nila kung bakit nagagawa lamang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng paghatol at sumpa. Sinasabi nila, “Kung isusumpa ng Diyos ang tao, hindi ba mamamatay ang tao? Kung hahatulan ng Diyos ang tao, hindi ba parurusahan ang tao? Kung gayon paano pa siya magagawang perpekto?” Gayon ang mga salita ng mga taong hindi nakakaalam sa gawain ng Diyos. Ang isinusumpa ng Diyos ay ang pagsuway ng tao, at ang Kanyang hinahatulan ay ang mga kasalanan ng tao. Bagama’t mabagsik Siyang magsalita at walang habag, ibinubunyag Niya ang lahat ng nasa kalooban ng tao, ibinubunyag sa pamamagitan ng istriktong mga salitang ito kung ano yaong mahalaga sa kalooban ng tao, ngunit sa pamamagitan ng gayong paghatol, binibigyan Niya ang tao ng isang malalim na kaalaman tungkol sa diwa ng laman, at sa gayon ay nagpapasakop ang tao sa harap ng Diyos. Ang laman ng tao ay makasalanan at kay Satanas, ito ay suwail, at ito ang pakay ng pagkastigo ng Diyos. Sa gayon, upang tulutang makilala ng tao ang sarili niya, kailangan niyang sapitin ang mga salita ng paghatol ng Diyos at kailangang gamitan ito ng bawat uri ng pagpipino; sa gayon lamang magiging epektibo ang gawain ng Diyos.

Maaaring makita mula sa mga salitang sinasabi ng Diyos na isinumpa na Niya ang laman ng tao. Ang mga salita bang ito, kung gayon, ay hindi mga salita ng pagsumpa? Ibinubunyag ng mga salitang sinasabi ng Diyos ang tunay na kulay ng tao, at sa pamamagitan ng gayong paghahayag ay hinahatulan siya, at kapag nakikita niya na hindi niya napapalugod ang kalooban ng Diyos, nadarama niya sa kanyang kalooban ang kalungkutan at pagsisisi, nadarama niya na napakalaki ng kanyang pagkakautang sa Diyos, at hindi makaaabot sa kalooban ng Diyos. May mga pagkakataon na dinidisiplina ka ng Banal na Espiritu mula sa iyong kalooban, at ang pagdidisiplinang ito ay nagmumula sa paghatol ng Diyos; may mga pagkakataon na sinasaway ka ng Diyos at itinatago ang Kanyang mukha sa iyo, kapag hindi ka Niya pinakikinggan at hindi ka ginagawaan, tahimik kang kinakastigo upang pinuhin ka. Ang gawain ng Diyos sa tao higit sa lahat ay para linawin ang Kanyang matuwid na disposisyon. Anong patotoo ang ibinibigay ng tao sa Diyos sa bandang huli? Nagpapatotoo ang tao na ang Diyos ang Diyos na matuwid, na ang Kanyang disposisyon ay katuwiran, poot, pagkastigo, at paghatol; nagpapatotoo ang tao sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang paghatol upang ang tao ay gawing perpekto, minahal na Niya ang tao, at iniligtas ang tao—ngunit gaano karami ang nakapaloob sa Kanyang pag-ibig? Mayroong paghatol, pagiging maharlika, poot, at sumpa. Bagama’t isinumpa ng Diyos ang tao noong araw, hindi Niya ganap na itinapon ang tao sa walang-hanggang hukay, kundi ginamit ang kaparaanang iyon upang pinuhin ang pananampalataya ng tao; hindi Niya pinatay ang tao, kundi kumilos Siya upang gawing perpekto ang tao. Ang diwa ng laman ay yaong kay Satanas—tamang-tama ang pagkasabi rito ng Diyos—ngunit ang mga katunayang isinasagawa ng Diyos ay hindi natatapos ayon sa Kanyang mga salita. Isinusumpa ka Niya upang mahalin mo Siya, at upang maunawaan mo ang diwa ng laman; kinakastigo ka Niya upang ikaw ay magising, upang tulutan kang malaman ang mga kakulangan sa iyong kalooban, at upang malaman ang lubos na kawalang-halaga ng tao. Sa gayon, ang mga sumpa ng Diyos, ang Kanyang paghatol, at ang Kanyang pagiging maharlika at poot—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Lahat ng ginagawa ng Diyos sa ngayon, at ang matuwid na disposisyon na nililinaw Niya sa inyong kalooban—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Gayon ang pag-ibig ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 88

Sa tradisyonal na mga kuru-kuro ng tao, naniniwala siya na ang pag-ibig ng Diyos ay ang Kanyang biyaya, awa, at simpatiya para sa kahinaan ng tao. Bagama’t ang mga bagay na ito ay pag-ibig din ng Diyos, masyadong may kinikilingan ang mga ito, at hindi ang pangunahing kaparaanan na ginagawang perpekto ng Diyos ang tao. Ang ilang tao ay nagsisimulang maniwala sa Diyos dahil sa karamdaman. Ang karamdamang ito ay ang biyaya ng Diyos para sa iyo; kung wala ito, hindi ka maniniwala sa Diyos, at kung hindi ka naniwala sa Diyos ay hindi ka makararating nang ganito kalayo—at sa gayon ay pag-ibig ng Diyos maging ang biyayang ito. Sa panahon ng paniniwala kay Jesus, maraming ginawa ang mga tao na hindi kaibig-ibig sa Diyos dahil hindi nila naunawaan ang katotohanan, ngunit ang Diyos ay may pag-ibig at awa, at dinala na Niya ang tao nang ganito kalayo, at bagama’t walang nauunawaang anuman ang tao, hinahayaan pa rin ng Diyos ang tao na sumunod sa Kanya, at, bukod pa roon, inakay na Niya ang tao hanggang sa ngayon. Hindi ba ito ang pag-ibig ng Diyos? Yaong namamalas sa disposisyon ng Diyos ay ang pag-ibig ng Diyos—tama talaga ito! Nang nasa kasukdulan na ang pagtatayo ng iglesia, ginawa ng Diyos ang hakbang ng gawain ng mga tagapagsilbi at itinapon ang tao sa walang-hanggang hukay. Ang mga salita sa panahon ng mga tagapagsilbi ay pawang mga sumpa: mga sumpa ng iyong laman, mga sumpa ng iyong tiwaling satanikong disposisyon, at mga sumpa ng mga bagay tungkol sa iyo na hindi nakalulugod sa kalooban ng Diyos. Ang gawaing ginawa ng Diyos sa hakbang na iyon ay ipinamalas bilang pagiging maharlika, pagkatapos ay isinagawa kaagad ng Diyos ang hakbang ng gawain ng pagkastigo, at sumapit ang pagsubok na kamatayan. Sa gayong gawain, nakita ng tao ang poot, pagiging maharlika, paghatol, at pagkastigo ng Diyos, ngunit nakita rin niya ang biyaya ng Diyos, ang Kanyang pag-ibig at Kanyang awa. Ang lahat ng ginawa ng Diyos, at lahat ng ipinamalas bilang Kanyang disposisyon, ay pag-ibig ng Diyos para sa tao, at lahat ng ginawa ng Diyos ay nagawang tugunan ang mga pangangailangan ng tao. Ginawa Niya ito upang gawing perpekto ang tao, at naglaan Siya para sa tao ayon sa tayog nito. Kung hindi ito nagawa ng Diyos, hindi sana makakaharap ang tao sa Diyos at walang paraan para malaman niya ang tunay na mukha ng Diyos. Mula nang unang simulan ng tao na maniwala sa Diyos hanggang sa ngayon, unti-unti nang naglaan ang Diyos para sa tao alinsunod sa tayog ng tao, kaya nga, sa kalooban, unti-unti na Siyang nakilala ng tao. Ngayon lamang napagtatanto ng tao kung gaano kahanga-hanga ang paghatol ng Diyos. Ang hakbang ng gawain ng mga tagapagsilbi ay ang unang pangyayari ng gawain ng pagsumpa mula sa panahon ng paglikha hanggang sa ngayon. Ang tao ay isinumpa sa walang-hanggang hukay. Kung hindi iyon nagawa ng Diyos, wala sanang tunay na kaalaman ang tao tungkol sa Diyos ngayon; sa pamamagitan lamang ng pagsumpa ng Diyos tunay na naranasan ng tao ang Kanyang disposisyon. Inilantad ang tao sa pamamagitan ng pagsubok sa mga tagapagsilbi. Nakita Niya na ang katapatan nito ay hindi katanggap-tanggap, na ang tayog nito ay napakaliit, na wala itong kakayahang mapalugod ang kalooban ng Diyos, at na ang sinasabi nitong pagpapalugod sa Diyos sa lahat ng oras ay puro mga salita lamang. Bagama’t isinumpa ng Diyos ang tao sa hakbang ng gawain ng mga tagapagsilbi, kung gugunitain ngayon, ang hakbang ng gawaing yaon ng Diyos ay kahanga-hanga: Nagdulot ito ng isang malaking pagbabago para sa tao, at nagsanhi ng isang malaking pagbabago sa kanyang disposisyon sa buhay. Bago ang panahon ng mga tagapagsilbi, walang naunawaang anuman ang tao tungkol sa paghahangad sa buhay, kung ano ang kahulugan ng maniwala sa Diyos, o ang karunungan ng gawain ng Diyos, at ni hindi niya naunawaan na maaaring subukin ng gawain ng Diyos ang tao. Mula sa panahon ng mga tagapagsilbi hanggang sa ngayon, nakikita ng tao kung gaano kamangha-mangha ang gawain ng Diyos—hindi ito maaarok ng tao. Hindi maisip ng tao kung paano gumagawa ang Diyos sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang utak, at nakikita rin niya kung gaano kaliit ang kanyang tayog at na napakatindi ng kanyang pagkasuwail. Nang isumpa ng Diyos ang tao, ito ay upang matamo ang isang epekto, at hindi Niya pinatay ang tao. Bagama’t isinumpa Niya ang tao, ginawa Niya iyon sa pamamagitan ng mga salita, at ang Kanyang mga sumpa ay hindi totoong sumapit sa tao, sapagkat ang isinumpa ng Diyos ay ang pagkasuwail ng tao, kaya nga ang mga salita ng Kanyang mga sumpa ay sinambit din upang gawing perpekto ang tao. Hinahatulan man ng Diyos ang tao o isinusumpa siya, parehong ginagawa nitong perpekto ang tao: Parehong ginagawa ito upang gawing perpekto yaong hindi dalisay sa kalooban ng tao. Sa pamamagitan ng kaparaanang ito ang tao ay pinipino, at yaong kulang sa kalooban ng tao ay ginagawang perpekto sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawain. Bawat hakbang ng gawain ng Diyos—masasakit na salita man ito, o paghatol, o pagkastigo—ay ginagawang perpekto ang tao, at talagang angkop. Hindi kailanman nakagawa ng gawain ang Diyos sa lumipas na mga kapanahunan na kagaya nito; sa ngayon, gumagawa Siya sa inyong kalooban upang pahalagahan ninyo ang Kanyang karunungan. Bagama’t nagtiis na kayo ng kaunting pagdurusa sa inyong kalooban, matatag at payapa ang inyong puso; inyong biyaya ang matamasa ang yugtong ito ng gawain ng Diyos. Anuman ang magagawa ninyong makamit sa hinaharap, lahat ng inyong nakikita sa gawain ng Diyos sa inyo sa ngayon ay pag-ibig. Kung hindi nararanasan ng tao ang paghatol at pagpipino ng Diyos, ang kanyang mga kilos at sigla ay laging mananatiling paimbabaw, at ang kanyang disposisyon ay laging mananatiling hindi nagbabago. Maibibilang ba ito na nakamit ka na ng Diyos? Sa ngayon, bagama’t matindi pa rin ang kayabangan at kapalaluan sa kalooban ng tao, mas matatag na ang disposisyon ng tao kaysa rati. Pinakikitunguhan ka ng Diyos upang iligtas ka, at bagama’t maaari kang makadama ng kaunting pasakit sa panahong iyon, darating ang araw na magkakaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon. Sa oras na iyon, aalalahanin mo ang nakalipas at makikita mo kung gaano karunong ang gawain ng Diyos, at sa oras na iyon ay magagawa mong tunay na maunawaan ang kalooban ng Diyos. Sa ngayon, may ilang taong nagsasabi na nauunawaan nila ang kalooban ng Diyos, ngunit hindi iyon masyadong makatotohanan. Sa katunayan, mga kasinungalingan ang sinasabi nila, dahil sa kasalukuyan ay hindi pa nila nauunawaan kung ang kalooban ng Diyos ay upang iligtas ang tao o isumpa ang tao. Marahil ay hindi mo malinaw na nakikita ito sa ngayon, ngunit darating ang araw na makikita mo na dumating na ang araw ng pagtatamo ng kaluwalhatian Diyos, at makikita mo kung gaano kamakabuluhan ang mahalin ang Diyos, upang maunawaan mo ang buhay ng tao at ang iyong laman ay mabubuhay sa mundo ng pagmamahal sa Diyos, nang ang iyong espiritu ay lumaya, ang iyong buhay ay mapuno ng galak, at lagi kang magiging malapit sa Diyos at titingin sa Kanya. Sa oras na iyon, tunay mong malalaman kung gaano kahalaga ang gawain ng Diyos sa ngayon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 89

Ang gawaing ginagawa ngayon ay upang talikdan ng mga tao si Satanas, ang kanilang sinaunang ninuno. Lahat ng paghatol sa pamamagitan ng salita ay naglalayong ilantad ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan at bigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan ang diwa ng buhay. Ang paulit-ulit na mga paghatol na ito ay tumatagos sa puso ng mga tao. Bawat paghatol ay tuwirang nauugnay sa kanilang kapalaran at naglalayong sugatan ang kanilang mga puso para kanilang mapakawalan ang lahat ng bagay na iyon at nang sa gayon ay makilala ang buhay, makilala ang maruming mundong ito, makilala ang karunungan at pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos, at makilala rin ang sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas. Habang lalong tumatanggap ang sangkatauhan ng ganitong uri ng pagkastigo at paghatol, mas masusugatan ang puso ng tao at mas magigising ang kanyang espiritu. Ang paggising sa espiritu ng mga taong ito na napakatiwali at lubhang nalinlang ang mithiin ng ganitong uri ng paghatol. Ang tao ay walang espiritu, ibig sabihin, ang kanyang espiritu ay matagal nang namatay at hindi niya alam na may Langit, hindi niya alam na mayroong Diyos, at tiyak na hindi nalalamang siya ay nakikipagtunggali sa bangin ng kamatayan; paano niya malalaman na siya ay namumuhay sa loob nitong masamang impiyerno sa lupa? Paano niya malalaman na itong nabubulok na bangkay niya, sa pamamagitan ng katiwalian ni Satanas, ay nahulog tungo sa Hades ng kamatayan? Paano niya malalaman na ang lahat sa lupa ay matagal nang nawasak na hindi na maaayos ng sangkatauhan? At paano niya malalaman na ang Lumikha ay dumating sa lupa ngayon at naghahanap ng isang pangkat ng mga tiwaling tao na maaari Niyang iligtas? Kahit pagkatapos maranasan ng tao ang bawat posibleng pagpipino at paghatol, ang kanyang mapurol na kamalayan ay bahagya pa ring napupukaw at halos hindi tumutugon. Ang sangkatauhan ay nagpakasama-sama! At bagamat ang ganitong uri ng paghatol ay tulad ng mabagsik na yelong ulan na nahuhulog mula sa papawirin, mayroon itong pinakamalaking pakinabang sa tao. Kung hindi sa paghatol sa mga tao na gaya nito, hindi magkakaroon ng bunga at magiging ganap na imposible na iligtas ang mga tao mula sa bangin ng paghihirap. Kung hindi sa gawaing ito, magiging napakahirap para sa mga tao na lumabas mula sa Hades dahil ang kanilang mga puso ay matagal nang namatay at ang kanilang mga espiritu ay matagal nang niyurakan ni Satanas. Ang pagliligtas sa inyo na nalubog sa pinakamalalim na kalaliman ng pagkabulok ay nangangailangan ng pagtawag sa inyo nang buong lakas, paghatol sa inyo nang buong lakas, at saka lamang magiging posible na gisingin ang mga nanlalamig ninyong puso.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 90

Naging tao ang Diyos sa pinakapaurong at pinakamaruming lugar sa lahat, at sa ganitong paraan lamang nagagawa ng Diyos na malinaw na ipakita ang kabuuan ng Kanyang banal at matuwid na disposisyon. At paano ipinapakita ang Kanyang matuwid na disposisyon? Ipinapakita ito kapag hinahatulan Niya ang mga kasalanan ng tao, kapag hinahatulan Niya si Satanas, kapag kinamumuhian Niya ang kasalanan, at kapag kinasusuklaman Niya ang mga kaaway na kumakalaban at naghihimagsik laban sa Kanya. Ang mga salitang sinasambit Ko ngayon ay upang hatulan ang mga kasalanan ng tao, upang hatulan ang hindi pagiging matuwid ng tao, upang isumpa ang pagsuway ng tao. Ang kabuktutan at panlilinlang ng tao, ang mga salita at gawa ng tao—lahat ng hindi naaayon sa kalooban ng Diyos ay kailangang isailalim sa paghatol, at tuligsain ang lahat ng pagsuway ng tao bilang kasalanan. Umiikot ang Kanyang mga salita sa mga prinsipyo ng paghatol; ginagamit Niya ang paghatol sa hindi pagiging matuwid ng tao, ang sumpa sa pagkasuwail ng tao, ang paglalantad sa mga pangit na mukha ng tao upang ipakita ang Kanyang sariling matuwid na disposisyon. Ang kabanalan ay isang pagkakatawan ng Kanyang matuwid na disposisyon, at sa katunayan ang kabanalan ng Diyos ay talagang ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang mga tiwali ninyong disposisyon ang konteksto ng mga salita ngayon—ginagamit Ko ang mga ito upang mangusap at humatol, at upang isagawa ang gawain ng paglupig. Ito lamang ang tunay na gawain, at ito lamang ang lubos na nagpapaningning sa kabanalan ng Diyos. Kung walang bahid ng tiwaling disposisyon sa iyo, hindi ka hahatulan ng Diyos, at hindi rin Niya ipapakita sa iyo ang Kanyang matuwid na disposisyon. Dahil mayroon kang tiwaling disposisyon, hindi ka basta paliligtasin ng Diyos, at sa pamamagitan nito ipinapakita ang Kanyang kabanalan. Kung makikita ng Diyos na masyadong malubha ang karumihan at pagkasuwail ng tao ngunit hindi Siya nagsalita o hinatulan ka, ni hindi ka kinastigo dahil sa iyong hindi pagiging matuwid, patutunayan nito na hindi Siya Diyos, dahil hindi Siya galit sa kasalanan; magiging kasingdumi lamang Siya ng tao. Ngayon, dahil sa karumihan mo kaya kita hinahatulan, at dahil sa katiwalian at pagkasuwail mo kaya kita kinakastigo. Hindi Ko ipinangangalandakan ang Aking kapangyarihan sa inyo o sadya kayong inaapi; ginagawa Ko ang mga bagay na ito dahil kayo, na naisilang sa lupaing ito ng karumihan, ay labis-labis nang narumihan. Sadyang naiwala ninyo ang inyong integridad at pagkatao, na parang mga baboy na naninirahan sa maruruming lugar. Dahil sa inyong karumihan at katiwalian kaya kayo hinahatulan at kaya Ko pinapakawalan sa inyo ang Aking poot. Dahil mismo sa paghatol ng mga salitang ito kaya ninyo nagawang makita na ang Diyos ay ang matuwid na Diyos, at na ang Diyos ay ang banal na Diyos; dahil mismo sa Kanyang kabanalan at Kanyang katuwiran kaya Niya kayo hinahatulan at pinapakawalan Niya ang Kanyang poot sa inyo; dahil mismo nakikita Niya ang pagkasuwail ng sangkatauhan na inihahayag Niya ang Kanyang matuwid na disposisyon. Naipapamalas ang Kanyang kabanalan dahil sa karumihan at katiwalian ng sangkatauhan. Sapat na ito upang ipakita na Siya ang Diyos Mismo, na banal at malinis, ngunit nabubuhay sa lupain ng karumihan. Kung nagtatampisaw ang isang tao sa putikan na kasama ng iba, at walang anumang banal tungkol sa kanya, at wala siyang matuwid na disposisyon, wala siyang karapatang hatulan ang kasamaan ng tao, ni hindi siya akmang magsagawa ng paghatol sa tao. Paano magiging karapat-dapat ang mga taong pare-parehong marumi na hatulan yaong mga kagaya nila? Tanging ang banal na Diyos Mismo ang nagagawang hatulan ang buong sangkatauhang marumi. Paano mahahatulan ng tao ang mga kasalanan ng tao? Paano makikita ng tao ang mga kasalanan ng tao, at paano magiging karapat-dapat ang tao na isumpa ang mga kasalanang ito? Kung hindi karapat-dapat ang Diyos na hatulan ang mga kasalanan ng tao, paano Siya magiging matuwid na Diyos Mismo? Dahil nagpapakita ng mga tiwaling disposisyon ang mga tao kaya nangungusap ang Diyos upang hatulan sila, at saka lamang nila makikita na Siya ay isang banal na Diyos. Habang hinahatulan at kinakastigo Niya ang tao para sa mga kasalanan nito, na inilalantad pala ang mga kasalanan ng tao, walang tao o bagay na makakatakas sa paghatol na ito; Siya ang humahatol sa lahat ng marumi, at sa gayon lamang mabubunyag na matuwid ang Kanyang disposisyon. Kung hindi, paano masasabi na panghambing kayo kapwa sa taguri at sa katunayan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakakamtan ang mga Epekto ng Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Paglupig

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 91

Malaki ang pagkakaiba sa pagitan ng gawaing ginawa sa Israel at ng gawain sa ngayon. Ginabayan ni Jehova ang buhay ng mga Israelita, at walang ganoong pagkastigo at paghatol, dahil sa panahong iyon, napakaliit ng naunawaan ng mga tao tungkol sa mundo at mayroon silang ilang tiwaling disposisyon. Noon, ganap na sinunod ng mga Israelita si Jehova. Nang sabihin Niya sa kanila na gumawa ng mga altar, agad silang gumawa ng mga altar; nang sabihin Niya sa kanila na magsuot ng mga kasuotan ng mga saserdote, sumunod sila. Sa mga araw na iyon, si Jehova ay tila isang pastol na nagbabantay sa isang kawan ng mga tupa, na ang mga tupa ay sumusunod sa paggabay ng pastol at kumakain ng damo sa pastulan; ginabayan ni Jehova ang buhay nila, na pinamumunuan sila kung paano sila kumain, nagbihis, nanirahan, at naglakbay. Hindi iyon ang panahon para gawing maliwanag ang disposisyon ng Diyos, dahil ang sangkatauhan noong panahong iyon ay bagong silang; kakaunti ang suwail at mapang-away, walang gaanong karumihan sa sangkatauhan, kaya nga ang mga tao ay hindi makapagsilbing isang panghambing sa disposisyon ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga taong nanggaling sa lupain ng karumihan ipinapakita ang kabanalan ng Diyos; ngayon, ginagamit Niya ang karumihang nakikita sa mga taong ito ng lupain ng karumihan, at Siya ay humahatol, at gayon ang ibinubunyag tungkol sa Kanya sa gitna ng paghatol. Bakit Siya humahatol? Kaya Niyang sambitin ang mga salita ng paghatol dahil kinamumuhian Niya ang kasalanan; paano Siya magagalit nang matindi kung hindi Niya kinapopootan ang pagkasuwail ng sangkatauhan? Kung walang pagkasuklam sa Kanyang kalooban, walang pagkainis, kung hindi Niya pinansin ang pagkasuwail ng mga tao, magpapatunay iyon na kasingdumi Siya ng tao. Kaya Niya nakakayang hatulan at kastiguhin ang tao ay dahil kinapopootan Niya ang karumihan, at ang kinapopootan Niya ay wala sa Kanya. Kung mayroon ding pagkontra at pagkasuwail sa Kanya, hindi Niya kamumuhian yaong mga mapang-away at suwail. Kung ang gawain ng mga huling araw ay isinasagawa sa Israel, hindi ito magkakaroon ng kabuluhan. Bakit ginagawa ang gawain ng mga huling araw sa Tsina, ang pinakamadilim at pinakamakalumang lugar sa lahat? Iyon ay upang ipakita ang Kanyang kabanalan at katuwiran. Sa madaling salita, mas madilim ang isang lugar, mas malinaw na maipapakita ang kabanalan ng Diyos. Sa katunayan, lahat ng ito ay alang-alang sa gawain ng Diyos. Ngayon lamang ninyo napagtatanto na bumaba na ang Diyos mula sa langit upang tumayo sa gitna ninyo, na nakikita sa inyong karumihan at pagkasuwail, at ngayon lamang ninyo nakikilala ang Diyos. Hindi ba ito ang pinakadakilang pagpaparangal? Sa katunayan, isa kayong grupo ng mga tao sa Tsina na napili. At dahil kayo ay napili at nagtamasa ng biyaya ng Diyos, at dahil hindi kayo angkop na magtamasa ng gayon kalaking biyaya, pinatutunayan nito na lahat ng ito ay ang pinakadakilang pagpaparangal sa inyo. Nagpakita na ang Diyos sa inyo, at ipinakita Niya sa inyo ang Kanyang banal na disposisyon sa kabuuan nito, at ibinigay na Niya sa inyo ang lahat ng iyon, at pinatamasa sa inyo ang lahat ng pagpapalang maaari ninyong tamasahin. Hindi lamang ninyo natikman ang matuwid na disposisyon ng Diyos, kundi, higit pa riyan, natikman ninyo ang pagliligtas ng Diyos, ang pagtubos ng Diyos at ang walang-hangganan at walang-katapusang pagmamahal sa Diyos. Kayo, na pinakamarumi sa lahat, ay nagtamasa na ng gayon kalaking biyaya—hindi ba kayo pinagpala? Hindi ba ito pagtataas ng Diyos sa inyo? Kayo ang may pinakamababang kalagayan sa lahat; kayo ay likas na hindi karapat-dapat magtamasa ng gayon kalaking pagpapala, subalit gumawa na ng eksepsyon ang Diyos sa pamamagitan ng pagtataas sa iyo. Hindi ka ba nahihiya? Kung wala kang kakayahang gampanan ang iyong tungkulin, sa huli ay ikahihiya mo ang iyong sarili, at parurusahan mo ang iyong sarili. Ngayon, hindi ka dinidisiplina, ni hindi ka pinarurusahan; ligtas at malusog ang iyong laman—ngunit sa huli, dadalhin ka ng mga salitang ito sa kahihiyan. Sa ngayon, hayagan Ko pang kakastiguhin ang sinuman; maaaring mabagsik ang Aking mga salita, ngunit paano Ko pinakikitunguhan ang mga tao? Inaaliw Ko sila, at pinapayuhan sila, at pinaaalalahanan sila. Wala nang ibang dahilan kaya Ko ito ginagawa kundi para iligtas kayo. Talaga bang hindi ninyo nauunawaan ang Aking kalooban? Dapat ninyong maunawaan ang sinasabi Ko, at mabigyang-inspirasyon nito. Ngayon lamang maraming taong nakakaunawa. Hindi ba ito ang pagpapala ng pagiging isang panghambing? Hindi ba pagiging isang panghambing ang pinaka-pinagpalang bagay? Sa huli, kapag humayo kayo upang ipalaganap ang ebanghelyo, sasabihin ninyo ito: “Mga tipikal na panghambing kami.” Tatanungin nila kayo, “Ano ang ibig sabihin ng tipikal na panghambing kayo?” At sasabihin mo: “Panghambing kami sa gawain ng Diyos, at sa Kanyang dakilang kapangyarihan. Ang kabuuan ng matuwid na disposisyon ng Diyos ay inilalantad ng aming pagkasuwail; kami ang mga tagapagsilbi ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, kami ang mga galamay ng Kanyang gawain, at ang mga kasangkapan din nito.” Kapag naririnig nila iyon, magtataka sila. Sumunod, sasabihin mo: “Kami ang mga halimbawa at huwaran sa pagtatapos ng gawain ng Diyos sa buong sansinukob, at sa Kanyang paglupig sa buong sangkatauhan. Banal man kami o marumi, sa kabuuan, kami pa rin ang mas pinagpala kaysa sa inyo, dahil nakita na namin ang Diyos, at sa pamamagitan ng pagkakataong lupigin Niya kami, nakikita ang dakilang kapangyarihan ng Diyos; dahil lamang sa kami ay marumi at tiwali kaya napasimulan ang Kanyang matuwid na disposisyon. Kaya ba ninyong magpatotoo nang ganoon sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? Hindi kayo nararapat! Ito ay walang iba kundi ang pagpaparangal sa amin ng Diyos! Bagama’t maaaring hindi kami mapagmataas, maaari naming mapagmalaking purihin ang Diyos, dahil walang sinumang maaaring magmana ng gayon kalaking pangako, at walang sinumang maaaring magtamasa ng gayon kalaking pagpapala. Labis kaming nagpapasalamat na kami, na napakarumi, ay maaaring gumawa bilang mga panghambing sa panahon ng pamamahala ng Diyos.” At kapag itinanong nila, “Ano ang mga halimbawa at huwaran?” sasabihin mo, “Kami ang pinakasuwail at pinakamarumi sa buong sangkatauhan; nagawa kaming lubhang tiwali ni Satanas, at kami ang pinakapaurong at pinakaaba sa lahat ng laman. Kami ang mga klasikong halimbawa ng mga nakasangkapan ni Satanas. Ngayon, napili kami ng Diyos na unang lupigin sa buong sangkatauhan, at namasdan namin ang matuwid na disposisyon ng Diyos at namana ang Kanyang pangako; kinakasangkapan kami upang lupigin ang mas marami pang tao, sa gayon ay kami ang mga halimbawa at huwaran ng mga nalupig sa buong sangkatauhan.” Wala nang mas mainam na patotoo kaysa sa mga salitang ito, at ito ang iyong pinakamagandang karanasan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakakamtan ang mga Epekto ng Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Paglupig

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 92

Ang gawain ng paglupig na ginawa sa inyong mga tao ang may pinakamalalim na kabuluhan: Sa isang banda, ang layunin ng gawaing ito ay upang gawing perpekto ang isang grupo ng mga tao, ibig sabihin, upang gawin silang perpekto, para maging isang grupo sila ng mga mananagumpay—bilang unang grupo ng mga tao na nagawang ganap, ibig sabihin ay mga unang bunga. Sa kabilang banda, ito ay upang hayaang matamasa ng mga nilalang ang pagmamahal ng Diyos, matanggap ang lubos at pinakadakilang pagliligtas ng Diyos, at matamasa hindi lamang ang awa at kagandahang loob ng Diyos, kundi ang mas mahalaga ay ang pagkastigo at paghatol. Mula nang likhain ang mundo hanggang ngayon, lahat ng nagawa ng Diyos sa Kanyang gawain ay pagmamahal, na walang anumang pagkapoot sa tao. Kahit ang pagkastigo at paghatol na nakita mo ay pagmamahal din, isang mas totoo at mas tunay na pagmamahal, isang pagmamahal na umaakay sa mga tao patungo sa tamang landas ng buhay ng tao. Sa isa pang banda, iyon ay upang magpatotoo sa harap ni Satanas. At sa isang banda pa rin, iyon ay upang magtatag ng isang pundasyon para sa pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo sa hinaharap. Lahat ng gawaing Kanyang ginawa ay para sa layunin ng pag-akay sa mga tao sa tamang landas ng buhay ng tao, upang maaari silang mabuhay bilang normal na mga tao, sapagkat hindi alam ng mga tao kung paano mamuhay, at kung wala ang ganitong pag-akay, magiging hungkag ang iyong buhay; mawawalan ng halaga o kabuluhan ang iyong buhay, at lubos kang mawawalan ng kakayahang maging normal na tao. Ito ang pinakamalalim na kabuluhan ng paglupig sa tao. Lahat kayo ay mga inapo ni Moab; kapag isinagawa sa inyo ang gawain ng paglupig, dakilang pagliligtas iyan. Lahat kayo ay naninirahan sa isang lupain ng kasalanan at kahalayan, at lahat kayo ay mahalay at makasalanan. Ngayon ay hindi lamang ninyo nakikita ang Diyos, kundi ang mas mahalaga, natanggap ninyo ang pagkastigo at paghatol, natanggap ninyo ang tunay na malalim na pagliligtas, ibig sabihin, natanggap ninyo ang pinakadakilang pagmamahal ng Diyos. Sa lahat ng Kanyang ginagawa, totoong mapagmahal ang Diyos sa inyo. Wala Siyang masamang layon. Dahil sa inyong mga kasalanan kaya Niya kayo hinahatulan, upang suriin ninyo ang inyong sarili at tanggapin ang napakalaking pagliligtas na ito. Lahat ng ito ay ginagawa para gawing ganap ang tao. Mula simula hanggang wakas, ginagawa na ng Diyos ang Kanyang buong makakaya upang iligtas ang tao, at wala Siyang hangaring ganap na wasakin sa Kanyang sariling mga kamay ang mga taong Kanyang nilikha. Ngayon, naparito Siya sa inyo upang gumawa; hindi ba ito mas maituturing na pagliligtas? Kung kinamuhian Niya kayo, gagawa pa ba Siya ng gayon kalaking gawain upang personal kayong gabayan? Bakit Niya kailangang magdusa nang gayon? Hindi kayo kinamumuhian ng Diyos o wala Siyang anumang masamang layon sa inyo. Dapat ninyong malaman na ang pagmamahal ng Diyos ang pinakatotoong pagmamahal. Dahil lamang sa suwail ang mga tao kaya Niya sila kailangang iligtas sa pamamagitan ng paghatol; kung hindi dahil dito, imposible silang mailigtas. Dahil hindi ninyo alam kung paano mamuhay at ni wala kayong malay kung paano mabuhay, at dahil kayo ay nabubuhay sa mahalay at makasalanang lupaing ito at kayo mismo ay mahalay at maruming mga diyablo, hindi Niya matiis na hayaan kayong maging mas masama, hindi Niya matiis na makita kayong nabubuhay sa maruming lupaing ito tulad ngayon, na tinatapak-tapakan ni Satanas kung kailan nito gusto, at hindi Niya matiis na hayaan kayong mahulog sa Hades. Nais lamang Niyang maangkin ang grupong ito ng mga tao at lubusan kayong iligtas. Ito ang pangunahing layunin ng paggawa ng gawain ng paglupig sa inyo—para lamang ito sa pagliligtas. Kung hindi mo makita na lahat ng ginawa sa iyo ay pagmamahal at pagliligtas, kung iniisip mo na isa lamang itong pamamaraan, isang paraan upang pahirapan ang tao, at isang bagay na hindi mapagkakatiwalaan, mas mabuti pang bumalik ka na sa iyong mundo upang magdanas ng pasakit at paghihirap! Kung handa kang mapasama sa daloy na ito, at masiyahan sa paghatol na ito at sa napakalawak na pagliligtas na ito, at matamasa ang lahat ng pagpapalang ito, mga pagpapalang hindi matatagpuan saanman sa mundo ng tao, at matamasa ang pagmamahal na ito, mabuti kung gayon: Mamalagi sa daloy na ito para tanggapin ang gawain ng paglupig upang magawa kang perpekto. Ngayon, maaaring nagdaranas ka ng kaunting pasakit at pagpipino dahil sa paghatol ng Diyos, ngunit may halaga at kabuluhan ang pagdanas ng pasakit na ito. Bagama’t pinipino at walang-awang inilalantad ang mga tao sa pagkastigo at paghatol ng Diyos—na ang layon ay parusahan sila para sa kanilang mga kasalanan, parusahan ang kanilang laman—wala sa gawaing ito ang nilayong isumpa ang kanilang laman hanggang sa mawasak. Ang matitinding pagsisiwalat ng salita ay para lahat sa layunin na akayin ka sa tamang landas. Personal na ninyong naranasan ang napakarami sa gawaing ito at, malinaw, hindi kayo naakay nito sa isang masamang landas! Lahat ay upang maisabuhay mo ang normal na pagkatao, at magagawa ang lahat ng ito ng iyong normal na pagkatao. Bawat hakbang ng gawain ng Diyos ay batay sa iyong mga pangangailangan, ayon sa iyong mga kahinaan, at ayon sa iyong aktwal na tayog, at walang pasaning ibinigay sa inyo na hindi ninyo kakayanin. Hindi ito malinaw sa iyo ngayon, at pakiramdam mo ay parang pinahihirapan kita, at totoong palagi kang naniniwala na kaya kita kinakastigo, hinahatulan at sinasaway araw-araw ay dahil kinamumuhian kita. Ngunit kahit ang dinaranas mo ay pagkastigo at paghatol, ang totoo ay pagmamahal ito sa iyo, at ito ang pinakamalaking proteksyon. Kung hindi mo maunawaan ang mas malalim na kahulugan ng gawaing ito, imposibleng magpatuloy ka pa sa iyong pagdanas. Ang pagliligtas na ito ay dapat maghatid sa iyo ng ginhawa. Huwag kang tumangging patinuin ang iyong pag-iisip. Dahil malayo na ang iyong narating, dapat mong malinawan ang kahalagahan ng gawain ng paglupig, at wala ka na dapat mga opinyon tungkol dito sa anumang paraan!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 4

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 93

Ang mga nagagawang tumayo nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—sa panahon ng huling gawain ng paglilinis—ang siyang makakapasok sa pangwakas na pahinga sa tabi ng Diyos. Samakatuwid, nakatakas na sa impluwensya ni Satanas ang lahat ng mga pumasok sa pahinga at nakuha na sila ng Diyos pagkatapos sumailalim sa Kanyang huling gawain ng paglilinis. Ang mga taong ito, na sa wakas ay natamo na ng Diyos, ay papasok sa huling pahinga. Ang layunin ng gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ay sa diwa’y upang dalisayin ang sangkatauhan, alang-alang sa huling pahinga. Kung walang ganitong paglilinis, wala sa sangkatauhan ang maaaring maiuri sa magkakaibang mga kategorya ayon sa uri, o pumasok sa pahinga. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa pahinga. Tanging ang paglilinis ng Diyos ang magtatanggal ng kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang magdadala sa liwanag sa mga masuwaying bahagi ng sangkatauhan, naghihiwalay sa mga maaaring maligtas mula sa mga hindi maaari, at ang mga mananatili mula sa mga hindi. Kapag natapos ang gawaing ito, ang lahat ng mga taong pinayagang manatili ay lilinisin at papasok sa isang mas mataas na kalagayan ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay sa lupa; sa madaling salita, uumpisahan nila ang kanilang araw ng pahinga, at mabuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi pinapayagang manatili, ang kanilang tunay na mga kulay ay ganap na maihahayag, pagkatapos nito ay wawasakin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na magsasama ng alinman sa ganitong uri ng mga tao. Hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pahinga ang ganitong mga tao, at hindi sila angkop na sumali sa araw ng pahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang puntirya ng kaparusahan at mga makasalanan, hindi matuwid na mga tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila. Minsan din silang nagbigay ng paglilingkod sa Diyos. Subalit, pagdating ng huling araw, aalisin at wawasakin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang pagsuway at kawalang kakayahang matubos. Hindi sila kailanman muling iiral sa mundo ng hinaharap, at hindi na mamumuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. Maging mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, wawasakin ang lahat ng mga masama at lahat ng mga hindi pa naililigtas sa sandaling ang banal na nasa sangkatauhan ay pumasok na sa pahinga. Para naman sa mga masasamang espiritu at tao na ito, o ang espiritu ng matuwid na mga tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang kapanahunan, sa huli, ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan ay mawawasak, at ang lahat ng mga matuwid ay makaliligtas. Kung makatatanggap ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan sa batayan ng gawain ng huling kapanahunan. Sa halip, tinutukoy ito sa pamamagitan ng kung sila man ay lumaban o hindi o kaya ay naging masuwayin tungo sa Diyos. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi nakapagtamo ng kaligtasan, walang alinlangan, ay mapagtutuunan ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maaaring mailigtas ay tiyak na mapagtutuunan din ng kaparusahan. Ang mga tao ay nauuri ayon sa kabutihan o kasamaan, at hindi sa pamamagitan ng kung anong kapanahunan sila nabuhay. Kapag naayos na batay sa uri, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan. Sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti makaraan Niyang matapos ang pagsasakatuparan ng gawain Niya ng panlulupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mga mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya ng pagliligtas ng sangkatauhan. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain. Hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkatapos ng Kanyang gawain at pagkatapos ay agarang mag-uumpisa na atupagin ang pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti. Sa halip, ang gampaning ito ay gagawin lamang kapag ganap nang tapos ang Kanyang gawain. Ang buong layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti ay upang lubusang maging dalisay ang lahat ng mga tao upang maaari Siyang magdala ng isang ganap na banal na sangkatauhan sa walang hanggang pahinga. Ang yugtong ito sa gawain Niya ang pinakamahalaga. Ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang pamamahala. Kung hindi winasak ng Diyos ang kasamaan, at sa halip ay pinayagan silang manatili, hindi pa rin makakapasok sa pahinga ang bawat tao, at hindi madadala ng Diyos ang lahat ng sangkatauhan sa isang mas mabuting lugar. Hindi tapos ang ganitong uri ng gawain. Kapag natapos na ang gawain Niya, magiging ganap na banal ang kabuuan ng sangkatauhan. Sa ganitong paraan lamang magagawang mamuhay ng Diyos sa mapayapang pamamahinga.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 94

Ang mga yapak Ko ay lumalakad sa buong sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo, laging sinusuri ng Aking mga mata ang bawat isang tao, at, bukod pa roon, pinagmamasdan Ko ang sansinukob bilang isang kabuuan. Ang Aking mga salita ay kumikilos sa bawat sulok ng sansinukob. Sinuman ang naghahamong huwag Akong paglingkuran, sinuman ang naghahamong hindi maging tapat sa Akin, sinumang naghahamong magbigay ng hatol sa Aking pangalan, at sinumang naghahamong mang-alimura at manirang-puri sa Aking mga anak—yaong mga tunay na may kakayahang gumawa ng ganyang mga bagay ay dapat na makaranas ng matinding paghatol. Ang Aking paghatol ay mangyayari nang lubusan, na nangangahulugan na ngayon ay ang kapanahunan ng paghatol, at, sa pamamagitan ng masusing obserbasyon, matutuklasan mo na ang Aking paghatol ay sumasaklaw sa kabuuan ng sansinukob. Mangyari pa, ang Aking tahanan ay hindi maliliban; yaong may mga kaisipan, mga salita, o mga kilos na hindi tumatalima sa Aking kalooban ay hahatulan. Unawain ninyo ito! Ang Aking paghatol ay nakadirekta sa buong mundo ng sansinukob, hindi lamang sa isang grupo ng mga tao o mga bagay. Ito ba ay napagtanto mo na? Kung sa kaibuturan mo ay nag-aalangan ka sa mga saloobin mo tungkol sa Akin, mahahatulan kaagad ang iyong kalooban.

Ang Aking paghatol ay dumarating sa lahat ng hugis at anyo. Alamin ninyo ito! Ako ang natatangi at marunong na Diyos ng mundo ng sansinukob! Wala nang hihigit pa sa Aking kapangyarihan. Ang Aking mga paghatol ay pawang naibubunyag sa inyo: Kung nag-aalangan kayo sa Akin sa inyong isipan, liliwanagan kita, bilang isang babala. Kung hindi ka makinig, agad kitang iiwan (dito, hindi Ko tinutukoy ang pagdududa sa Aking pangalan, kundi ang mga panlabas na kagawiang may kaugnayan sa mahahalay na kaluguran). Kung ang iyong mga saloobin sa Akin ay mapanlaban, kung nagrereklamo ka sa Akin, kung paulit-ulit mong tinatanggap ang mga ideya ni Satanas, at kung hindi mo sinusunod ang mga damdamin ng buhay, ang iyong espiritu ay mapupunta sa kadiliman at ang iyong laman ay magdurusa ng sakit. Dapat na mas malapit ka sa Akin. Imposibleng maibalik mo ang iyong normal na kalagayan sa isa o dalawang araw lamang, at ang iyong buhay ay mahahalatang unti-unting babagsak. Yaon namang masasamang magsalita, didisiplinahin Ko ang inyong mga bibig at dila, at isasailalim Ko ang mga dila ninyo sa pakikitungo. Yaong mga hindi mapigil sa masasamang gawa ay Aking babalaan sa inyong mga espiritu, at yaong mga hindi nakikinig ay kakastiguhin Ko nang matindi. Yaong hayagang humahatol at lumalaban sa Akin, ibig sabihin yaong nagpapakita ng pagsuway sa salita o sa gawa, Akin silang aalisin at iiwan nang lubusan, dahilan upang mapahamak sila at mawalan ng mga pangunahing biyaya; ito ang mga tatanggalin pagkatapos mapili. Yaong mga mangmang, ibig sabihin yaong may mga pangitain na hindi malinaw, liliwanagan Ko pa sila at ililigtas; ngunit yaong nakakaintindi ng katotohanan subalit hindi isinasagawa ito ay pangangasiwaan alinsunod sa mga nasabing tuntunin, mangmang man sila o hindi. Samantalang yaong mga tao na ang mga intensyon ay mali na sa simula pa lamang, titiyakin Kong hindi nila kakayaning makaunawa ng realidad kailanman, at, kalaunan, sila ay aalisin nang unti-unti, isa-isa. Walang maiiwan, bagama’t mananatili sila ngayon sa pamamagitan ng Aking pagsasaayos (sapagkat hindi Ako gumagawa ng mga bagay nang padalos-dalos, ngunit manapa’y sa isang maayos na kayarian).

Ang Aking paghatol ay ibinubunyag nang lubusan; ipinahahatid ito sa iba’t ibang tao, na kinakailangang magsiluklok lahat sa kanilang tamang mga lugar. Pangangasiwaan at hahatulan Ko ang mga tao alinsunod sa kung aling tuntunin ang kanilang nilabag. Samantalang yaong wala sa ngalang ito at hindi tumatanggap kay Cristo ng mga huling araw, iisang tuntunin lamang ang inilalapat: Babawiin Ko agad ang mga espiritu, kaluluwa at katawan ng sinumang sumusuway sa Akin at itatapon sila sa Hades; ang sinumang hindi sumusuway sa Akin, hihintayin Ko kayong gumulang bago isagawa ang isang pangalawang paghatol. Ipinapaliwanag ng Aking mga salita ang lahat nang buong linaw at walang itinatago. Nais Ko lamang na palagi ninyong isaisip ang mga ito!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 67

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 95

Ang mga huling araw ay kung kailan ang lahat ng bagay ay pagpapangkat-pangkatin ayon sa uri sa pamamagitan ng panlulupig. Ang panlulupig ay ang gawain sa mga huling araw; sa ibang salita, ang paghatol sa mga kasalanan ng bawat tao ay ang gawain sa mga huling araw. Kung hindi, paano mapagpapangkat-pangkat ang mga tao? Ang gawain ng pagpapangkat-pangkat na ginagawa sa inyo ay ang umpisa ng gayong gawain sa buong sansinukob. Pagkatapos nito, yaong mga nasa lahat ng lupain at bayan ay isasailalim din sa gawain ng paglupig. Nangangahulugan ito na ang bawat tao sa sangnilikha ay pagpapangkat-pangkatin ayon sa uri, magpapasakop sa harap ng luklukan ng paghatol upang mahatulan. Walang tao at walang bagay ang makakatakas sa pagdurusa ng pagkastigo at paghatol na ito, at wala ring sinumang tao o bagay ang hindi papangkat-pangkatin ayon sa uri; ang bawat tao ay pagsasama-samahin ayon sa klase, dahil ang katapusan ng lahat ng bagay ay nalalapit na, at lahat ng langit at lupa ay nakarating na sa wakas nito. Paano makatatakas ang tao sa mga huling araw ng pantaong pag-iral? Kaya, gaano katagal pa makapagpapatuloy ang inyong mga gawaing pagsuway? Hindi ba ninyo nakikita na napakalapit na ang inyong mga huling araw? Paanong hindi makikita ng mga gumagalang sa Diyos at nasasabik para sa Kanya ang araw ng pagpapakita ng katuwiran ng Diyos? Paanong hindi nila matatanggap ang huling gantimpala para sa kabutihan? Ikaw ba ay isa na gumagawa ng mabuti, o isa na gumagawa ng masama? Ikaw ba ay isa na tumatanggap ng matuwid na paghatol at pagkatapos ay sumusunod, o ikaw ba ay isa na tumatanggap ng matuwid na paghatol at pagkatapos ay sinusumpa? Nabubuhay ka ba sa harap ng luklukan ng paghatol nang nasa liwanag, o nabubuhay ka ba sa gitna ng kadiliman sa Hades? Hindi ba ikaw mismo ang nakakaalam nang pinakamalinaw kung ang iyong wakas ay isa ng gantimpala o isa ng kaparusahan? Hindi ba ikaw ang isa na nakaaalam nang pinakamalinaw at nakauunawa nang pinakamalalim na ang Diyos ay matuwid? Kaya, ano ba talaga ang wangis ng iyong pag-uugali at puso? Habang nilulupig kita ngayon, kailangan mo pa ba talagang idetalye Ko para sa iyo kung ang iyong pag-uugali ay mabuti o masama? Gaano na karami ang iyong naisuko para sa Akin? Gaano kalalim ang pagsamba mo sa Akin? Hindi ba’t alam na alam mo sa sarili mo kung paano ka umaasal tungo sa Akin? Dapat mas alam mo kaysa kaninuman kung ano ang iyong kahahantungan! Totohanang sinasabi Ko sa iyo: Nilikha Ko lamang ang sangkatauhan, at ikaw ay nilikha Ko, ngunit hindi Ko kayo ipinasa kay Satanas; at hindi Ko rin sinadyang papagrebeldehin kayo o labanan Ako at samakatuwid ay maparusahan Ko. Hindi ba ang lahat ng kalamidad at paghihirap na ito ay dahil ang inyong mga puso ay sobrang matigas at ang inyong pag-uugali ay sobrang karumal-dumal? Kaya hindi ba ang inyong kahahantungan ay kayo mismo ang nagpasya? Hindi ba nalalaman ninyo sa inyong mga puso, higit sa kaninuman, kung paano kayo magwawakas? Ang dahilan kung bakit nilulupig Ko ang mga tao ay upang ibunyag sila, at upang mas matiyak ang iyong kaligtasan. Hindi ito upang itulak kang gumawa ng masama, o sadyang itulak kang lumakad papunta sa impiyerno ng pagkawasak. Pagdating ng panahon, lahat ng iyong matinding pagdurusa, ang pagtangis at pagngangalit ng iyong mga ngipin—hindi ba ang lahat ng ito ay magiging dahil sa iyong mga kasalanan? Kaya, hindi ba ang iyong sariling kabutihan o ang iyong sariling kasamaan ang pinakamahusay na paghatol sa iyo? Hindi ba ito ang pinakamahusay na katibayan kung ano ang iyong magiging wakas?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 1

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 96

Isang dumadagundong na tinig ang lumalabas, niyayanig ang buong sansinukob. Labis itong nakabibingi na hindi agad makaiwas ang mga tao. Ang ilan ay napatay, ang ilan ay winasak, at ang ilan ay hinatulan. Ito’y tanawing tunay na hindi pa nakita ng kahit sino man. Makinig na mabuti: Ang mga dagundong ng kulog ay may kasamang tunog ng pagtangis, at ang tunog na ito ay nagmumula sa Hades; mula ito sa impiyerno. Ito ang mapait na daing ng mga anak ng paghihimagsik na nahatulan Ko na. Yaong mga hindi nakinig sa Aking sinasabi at hindi isinagawa ang Aking mga salita ay malubha nang hinatulan at tumanggap ng sumpa ng Aking poot. Ang Aking tinig ay paghatol at poot; hindi Ko niluluwagan at pinapakitaan ng habag ang sinuman, sapagkat Ako ang matuwid na Diyos Mismo, at Ako ay napopoot; Ako ay nanununog, naglilinis, at nangwawasak. Sa Akin ay walang natatago o madamdamin, bagkus lahat ay bukas, matuwid, at walang kinikilingan. Dahil ang Aking mga panganay na anak ay kasama Ko na sa trono, namumuno sa lahat ng bansa at lahat ng bayan, yaong di-makatarungan at di-matuwid na mga bagay at mga tao ay sinisimulan nang mahatulan ngayon. Sisiyasatin Ko sila nang isa-isa, walang nilalagpasan at ibinubunyag sila nang ganap. Sapagkat ang Aking paghatol ay lubusan nang nabunyag at lubusan nang bukas, at wala Akong itinira ni anuman; itatapon Ko ang anumang hindi nakaayon sa Aking kalooban at hahayaan itong mapahamak nang walang-hanggan sa walang-hanggang kalaliman. Hahayaan Ko itong masunog doon nang walang-hanggan. Ito ang Aking katuwiran, at ito ang Aking pagkamatuwid. Walang sinumang makapagbabago nito, at lahat ay dapat na nasa ilalim ng Aking pamumuno.

Binabalewala ng karamihan ng mga tao ang Aking mga pahayag, iniisip na ang mga salita ay mga salita lamang at ang mga katunayan ay mga katunayan. Sila ay bulag! Hindi ba nila alam na Ako ang tapat na Diyos Mismo? Ang Aking mga salita at mga katunayan ay nagaganap nang sabay. Hindi ba ito talaga ang totoo? Hindi talaga nauunawaan ng mga tao ang Aking mga salita, at yaon lamang mga naliwanagan na ang tunay na makauunawa. Katotohanan ito. Sa sandaling nakikita ng mga tao ang Aking mga salita, takot na takot sila at nagtatatakbo kung saan-saan upang magtago. Lalo pang mangyayari ito kapag dumating na ang Aking paghatol. Noong Aking nilikha ang lahat ng bagay, kapag Aking winasak ang mundo, at kapag ginawa Kong ganap ang mga panganay na anak—lahat ng bagay na ito ay natutupad sa pamamagitan ng isang salita mula sa Aking bibig. Ito’y dahil ang Aking salita mismo ang awtoridad; ito ang paghatol. Masasabi na ang Aking persona ay ang paghatol at ang kamahalan; ito ay isang di-mababagong katunayan. Ito ay isang aspeto ng Aking mga atas administratibo; ito’y isang paraan lamang para Aking hatulan ang mga tao. Sa Aking mga mata, lahat—kasama ang lahat ng tao, lahat ng pangyayari, at lahat ng bagay—ay nasa Aking mga kamay at nasa ilalim ng Aking paghatol. Walang sinuman at walang anuman ang nangangahas na umasal nang magaspang o walang pagpapasakop, at lahat ay dapat na matupad nang naaayon sa mga salita na Aking binibigkas. Mula sa loob ng mga kuru-kuro ng mga tao, ang bawat isa ay naniniwala sa mga salita ng Aking persona. Kapag ang Aking Espiritu ay nagbibigay-tinig, ang lahat ng tao ay nagdududa. Ang mga tao’y wala ni katiting na kaalaman ng Aking pagka-makapangyarihan sa lahat, at gumagawa pa sila ng mga pagbibintang laban sa Akin. Sinasabi Ko sa iyo ngayon, sinuman na nag-aalinlangan sa Aking mga salita, at sinumang humahamak sa Aking mga salita, ang mga ito ang siyang wawasakin; sila ang mga walang-hanggang anak ng kapahamakan. Mula rito ay makikitang napakakaunti lamang yaong mga panganay na anak dahil ito ang Aking paraan ng paggawa. Gaya ng sinabi Ko noon, nagagawa Ko ang lahat nang hindi man lamang ginagalaw ang isa mang daliri, bagkus ginagamit Ko lamang ang Aking mga salita. Dito, kung gayon, namamalagi ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat. Sa Aking mga salita, walang sinuman ang makakakita sa pinagmumulan at sa layunin ng Aking sinasabi. Hindi ito makakamit ng mga tao, at maaari lamang silang kumilos habang sumusunod sa Aking pangunguna, at gawin ang lahat ng bagay nang tugma sa Aking kalooban ayon sa Aking katuwiran, na nagdudulot sa Aking pamilya na magkaroon ng katuwiran at kapayapaan, mabuhay magpakailanman, at maging matibay at di-natitinag magpakailanman.

Ang paghatol Ko’y dumarating sa lahat, ang Aking mga atas administratibo ay umaabot sa bawat isa, at ang Aking mga salita at Aking persona ay ibinubunyag sa bawat isa. Ito ang panahon para sa dakilang gawain ng Aking Espiritu (sa panahong ito, yaong mga pagpapalain at yaong mga magdurusa ng kasamaang-palad ay ibinubukod sa bawat isa). Sa sandaling ang Aking mga salita ay lumabas, napag-iba Ko na yaong mga pagpapalain, gayundin yaong mga magdurusa ng kasamaang-palad. Malinaw na malinaw ang lahat ng ito, at nakikita Kong lahat sa isang sulyap. (Sinasabi Ko ito hinggil sa Aking pagkatao; kaya hindi sinasalungat ng mga salitang ito ang Aking katalagahan at pagpili.) Gumagala Ako sa mga kabundukan at mga ilog at sa lahat ng bagay, sa kalawakan ng sansinukob, pinagmamasdan at nililinis ang bawat lugar nang sa gayon yaong maruruming lugar at yaong malalaswang lupain ay hindi na iiral lahat at masusunog tungo sa kawalan dahil sa Aking mga salita. Para sa Akin, madali ang lahat ng bagay. Kung ngayon ang oras na Aking paunang itinalaga na wasakin ang mundo, maaari Ko itong lulunin sa pagbigkas ng isang salita. Gayunpaman, hindi ngayon ang oras. Lahat ay dapat maging handa bago Ko gawin ang gawaing ito, upang hindi magambala ang Aking plano at hindi maantala ang Aking pamamahala. Alam Ko kung paano ito gawin nang makatwiran; mayroon Ako ng Aking karunungan at mayroon Ako ng sarili Kong pagsasaayos. Hindi dapat gumalaw ang mga tao kahit isang daliri; maging maingat na hindi mapatay sa Aking kamay. Umabot na ito sa Aking mga atas administratibo. Mula rito ay makikita ang kabagsikan ng Aking mga atas administratibo, gayundin ang mga prinsipyo sa likod ng mga ito, na mayroong dalawang panig sa mga ito: Sa isang banda, pinapatay Ko ang lahat ng hindi nakaayon sa Aking kalooban at lumalabag sa Aking mga atas administratibo; sa kabilang banda, sa Aking poot ay isinusumpa Ko ang lahat ng lumalabag sa Aking mga atas administratibo. Hindi maaaring mawala ang dalawang aspeto na ito, at siyang mga prinsipyo sa pamamalakad sa likod ng Aking mga atas administratibo. Bawat tao ay pinamamahalaan ayon sa dalawang prinsipyong ito, nang walang damdamin, kahit na gaano pa katapat ang isang tao. Ito ay sapat na upang ipakita ang Aking katuwiran, ang Aking kamahalan, at ang Aking poot, na susunog sa lahat ng makalupang bagay, lahat ng makamundong bagay, at lahat ng bagay na hindi nakaayon sa Aking kalooban. Mayroong mga hiwagang nananatiling nakatago sa Aking mga salita, at mayroon ding mga hiwagang nabunyag na sa Aking mga salita. Kaya, sang-ayon sa pantaong kuru-kuro, at sa isipan ng tao, ang Aking mga salita ay magpakailanmang di-mauunawaan at ang Aking puso ay magpakailanmang di-maaarok. Sa madaling salita, dapat Kong alisin sa mga tao ang kanilang mga kuru-kuro at pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang bagay sa Aking plano ng pamamahala. Kailangang gawin Ko ito sa ganitong paraan upang makamit ang Aking mga panganay na anak at upang matupad ang mga bagay na gusto Kong gawin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 103

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 97

Sion! Magbunyi! Sion! Umawit nang malakas! Nakabalik na Akong nagwagi, nakabalik na Akong matagumpay! Lahat ng lahi! Magmadaling pumila nang maayos! Lahat ng nilikha! Magsitigil na kayo, sapagkat kaharap ng Aking persona ang buong sansinukob at nagpapakita sa Silangan ng mundo! Sino ang nangangahas na hindi lumuhod sa pagsamba? Sino ang nangangahas na hindi Ako tawaging totoong Diyos? Sino ang nangangahas na hindi tumingala sa paggalang? Sino ang nangangahas na hindi magbigay ng papuri? Sino ang nangangahas na hindi sumigaw ng pagbubunyi? Maririnig ng bayan Ko ang Aking tinig, at patuloy na mabubuhay ang Aking mga anak sa Aking kaharian! Ang mga bundok, ilog, at lahat ng bagay ay magbubunyi nang walang humpay, at magtatatalon nang walang tigil. Sa panahong ito, walang mangangahas na umurong, at walang mangangahas na tumindig sa paglaban. Ito ang Aking kamangha-manghang gawa, at higit pa rito, ito ang Aking dakilang kapangyarihan! Gagawin Ko ang lahat na igalang Ako sa kanilang mga puso at, higit pa nga rito, gagawin Kong purihin Ako ng lahat! Ito ang pinakalayunin ng Aking plano ng pamamahala sa loob ng anim na libong taon, at ito ang naitalaga Ko. Wala ni isang tao ni isang bagay ni isang pangyayari ang nangangahas na tumindig para labanan o tutulan Ako. Lahat ng Aking bayan ay magtutungo sa Aking bundok (sa ibang salita, ang mundong lilikhain Ko kalaunan) at magpapasakop sila sa Aking harapan, dahil nagtataglay Ako ng kamahalan at paghatol, at mayroon Akong awtoridad. (Tumutukoy ito sa kapag Ako ay nasa katawan. Mayroon din Akong awtoridad sa katawang-tao, ngunit dahil ang mga limitasyon ng panahon at kalawakan ay hindi malalagpasan sa katawang-tao, hindi masasabi na nakamtan Ko na ang ganap na kaluwalhatian. Bagama’t nakakamit Ko ang mga panganay na anak sa katawang-tao, hindi pa rin masasabi na nakamtan Ko na ang kaluwalhatian. Masasabi lamang na mayroon Akong awtoridad—na nagkamit na Ako ng kaluwalhatian—kapag nagbalik na Ako sa Sion at binago ang Aking anyo.) Walang magiging mahirap para sa Akin. Sa pamamagitan ng mga salita mula sa Aking bibig, ang lahat ay mawawasak, at sa pamamagitan ng mga salita mula sa Aking bibig, ang lahat ay iiral at magiging ganap. Gayon ang Aking dakilang kapangyarihan at gayon ang Aking awtoridad. Dahil puspos Ako ng kapangyarihan at puno ng awtoridad, walang sinumang tao ang makapangangahas na hadlangan Ako. Nagwagi na Ako sa lahat, at nagtagumpay na Ako sa lahat ng anak ng paghihimagsik. Dinadala Ko kasama Ko ang Aking mga panganay na anak para bumalik sa Sion. Hindi Ako nag-iisa sa pagbalik sa Sion. Kaya’t makikita ng lahat ang Aking mga panganay na anak at sa gayo’y magkakaroon sila ng pusong may paggalang sa Akin. Ito ang Aking layunin sa pagtatamo ng mga panganay na anak, at ito na ang plano Ko mula pa nang likhain ang mundo.

Kapag handa na ang lahat, iyan ang araw na babalik Ako sa Sion, at gugunitain ng lahat ng lahi ang araw na ito. Kapag bumalik na Ako sa Sion, matatahimik ang lahat ng bagay sa lupa, at mapapayapa ang lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa. Kapag nagbalik na Ako sa Sion, magsisimulang muli ang lahat sa orihinal nitong anyo. Pagkatapos, sisimulan Ko ang Aking gawain sa Sion. Parurusahan Ko ang masama at gagantimpalaan ang mabuti, at ipatutupad Ko ang Aking katuwiran, at isasagawa Ko ang Aking paghatol. Gagamitin Ko ang Aking mga salita para isakatuparan ang lahat, na ipinaparanas sa lahat ng tao at lahat ng bagay ang Aking kamay na kumakastigo, at ipapakita Ko sa lahat ng tao ang Aking buong kaluwalhatian, ang Aking buong karunungan, at ang Aking buong kasaganaan. Walang taong mangangahas na tumindig para humatol, sapagkat sa Akin, lahat ng bagay ay isinasakatuparan; at dito, hayaang makita ng lahat ng tao ang Aking buong dangal, at matikman ang Aking buong tagumpay, sapagkat sa Akin lahat ng bagay ay namamalas. Mula rito, maaaring makita ang Aking dakilang kapangyarihan at Aking awtoridad. Walang mangangahas na magkasala sa Akin, at walang mangangahas na hadlangan Ako. Lahat ay nahahayag sa Akin. Sino ang mangangahas na magtago ng anuman? Tiyak na hindi Ko pakikitaan ng awa ang taong iyon! Kailangang tumanggap ng Aking matinding parusa ang mga walang hiyang iyon, at kailangang mawala sa Aking paningin ang hamak na mga taong iyon. Pamumunuan Ko sila gamit ang tungkod na bakal at gagamitin Ko ang Aking awtoridad para hatulan sila, na wala ni katiting na awa at hindi man lamang isinasaalang-alang ang kanilang damdamin, sapagkat Ako Mismo ang Diyos na walang emosyon at maringal at walang maaaring magkasala sa Akin. Dapat itong maunawaan at makita ng lahat, kung hindi ay pababagsakin at lilipulin Ko sila “nang walang dahilan o katwiran,” sapagkat pababagsakin ng Aking tungkod ang lahat ng nagkakasala sa Akin. Wala Akong pakialam kung alam man nila ang Aking mga atas administratibo; wala iyang halaga sa Akin, dahil hindi tinatanggap ng Aking persona ang pagkakasala ng sinuman. Ito ang dahilan kaya sinasabi na Ako ay isang leon; pinababagsak Ko ang sinumang Aking hipuin. Kaya nga sinasabi na kalapastanganan na ngayong sabihin na Ako ang Diyos na may habag at kagandahang-loob. Sa diwa, hindi Ako isang cordero, kundi isang leon. Walang nangangahas na magkasala sa Akin; sinumang magkasala sa Akin, parurusahan Ko ng kamatayan, agad-agad at nang walang awa! Sapat na ito upang ipakita ang Aking disposisyon. Kaya’t sa huling kapanahunan ay isang malaking grupo ng mga tao ang uurong, at mahihirapan ang mga tao na tiisin ito, ngunit para sa Akin, maginhawa Ako at masaya, at ni hindi Ko man lang ito itinuturing na isang mahirap na gawain. Ganyan ang Aking disposisyon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 120

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 98

Sa kaharian, ang napakaraming bagay na nilikha ay nagsisimulang muling mabuhay at mabawi ang kanilang lakas sa buhay. Dahil sa mga pagbabago sa kalagayan ng daigdig, ang mga hangganan sa pagitan ng isang lupain at ng isa pa ay nagsisimula ring gumalaw. Nagpropesiya na Ako na kapag ang lupain ay nahiwalay sa lupain, at ang lupain ay sumama sa lupain, ito ang panahon na dudurugin Ko ang mga bansa nang pira-piraso. Sa panahong ito, paninibaguhin Ko ang lahat ng nilikha at hahati-hatiing muli ang buong sansinukob, sa gayon ay maisasaayos ang sansinukob at ang luma ay magiging bago—ito ang Aking plano at ito ang Aking mga gawa. Kapag bumalik na lahat ang mga bansa at mga tao sa mundo sa harap ng Aking luklukan, kukunin Ko ang lahat ng kasaganaan ng langit at ibibigay ito sa mundo ng tao, upang, dahil sa Akin, ang mundong iyon ay mapuno ng walang-kapantay na kasaganaan. Ngunit hangga’t patuloy na umiiral ang lumang mundo, ipupukol Ko ang Aking galit sa mga bansa nito, hayagang ipapahayag ang Aking mga atas administratibo sa buong sansinukob, at kakastiguhin ang sinumang lumalabag sa mga ito:

Kapag ibinabaling Ko ang Aking mukha sa sansinukob upang magsalita, naririnig ng buong sangkatauhan ang Aking tinig, at pagkatapos ay nakikita ang lahat ng Aking nagawa sa buong sansinukob. Yaong mga lumalaban sa Aking kalooban, ibig sabihin, yaong mga kumokontra sa Akin sa mga gawa ng tao, ay sasailalim sa Aking pagkastigo. Kukunin Ko ang napakaraming bituin sa kalangitan at paninibaguhin ang mga ito, at dahil sa Akin, ang araw at ang buwan ay mapapanibago—ang kalangitan ay hindi na magiging gaya ng dati at ang napakaraming bagay sa lupa ay mapapanibago. Lahat ay magiging ganap sa pamamagitan ng Aking mga salita. Ang maraming bansa sa loob ng sansinukob ay muling hahati-hatiin at papalitan ng Aking kaharian, kaya ang mga bansa sa ibabaw ng lupa ay maglalaho magpakailanman at lahat ay magiging isang kaharian na sumasamba sa Akin; lahat ng bansa sa lupa ay mawawasak at titigil sa pag-iral. Sa mga tao sa loob ng sansinukob, lahat ng nabibilang sa diyablo ay lilipulin, at lahat ng sumasamba kay Satanas ay isasadlak sa Aking naglalagablab na apoy—ibig sabihin, maliban doon sa mga sumusunod sa agos, lahat ay magiging abo. Kapag kinakastigo Ko ang maraming tao, yaong mga nasa relihiyosong mundo, sa iba’t ibang lawak, ay babalik sa Aking kaharian, na nalupig ng Aking mga gawa, dahil nakita na nila ang pagdating ng Banal na nakasakay sa isang puting ulap. Lahat ng tao ay paghihiwa-hiwalayin ayon sa sarili nilang uri, at tatanggap ng mga pagkastigo na nararapat sa kanilang mga kilos. Lahat ng kumalaban sa Akin ay masasawi; yaon namang mga hindi Ako kasali sa kanilang mga gawa sa lupa, sila, dahil sa paraan ng pagpapawalang-sala nila sa kanilang sarili, ay patuloy na iiral sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Aking mga anak at Aking mga tao. Ihahayag Ko ang Aking sarili sa napakaraming tao at sa napakaraming bansa, at sa sarili Kong tinig, maririnig Ako sa ibabaw ng lupa, na ipinapahayag ang pagkumpleto ng Aking dakilang gawain para makita ng buong sangkatauhan sa sarili nilang mga mata.

Habang lumalakas ang Aking tinig, pinagmamasdan Ko rin ang kalagayan ng sansinukob. Sa pamamagitan ng Aking mga salita, nababagong lahat ang napakaraming bagay na nilikha. Nagbabago ang langit, gayundin ang lupa. Ang sangkatauhan ay inilalantad sa orihinal na anyo nito at, dahan-dahan, bawat tao ay nakahiwalay ayon sa kanilang uri, at nahahanap ang kanilang landas nang hindi namamalayan pabalik sa sinapupunan ng kanilang pamilya. Lubha itong makalulugod sa Akin. Malaya Ako sa pagkagambala at, hindi halata, naisasakatuparan ang Aking dakilang gawain, at binabagong lahat ang napakaraming bagay na nilikha. Nang likhain Ko ang mundo, ginawa Ko ang lahat ng bagay ayon sa kanilang uri, na isinasama ang lahat ng bagay na magkakapareho ang anyo sa kauri ng mga ito. Habang nalalapit ang pagtatapos ng Aking plano ng pamamahala, ipanunumbalik Ko ang dating kalagayan ng paglikha; ipanunumbalik Ko ang lahat ng bagay sa orihinal nitong ayos, na gumagawa ng malaking pagbabago sa lahat ng bagay, upang lahat ng bagay ay mabalik sa pinagmulan ng Aking plano. Dumating na ang panahon! Ang huling yugto ng Aking plano ay malapit nang matupad. Ah, maruming lumang mundo! Tiyak na sasailalim ka sa Aking mga salita! Tiyak na mawawalan ka ng halaga ayon sa Aking plano! Ah, ang napakaraming bagay ng paglikha! Magtatamo kayong lahat ng bagong buhay ayon sa Aking mga salita—mapapasainyo ang inyong Panginoong makapangyarihan sa lahat! Ah, dalisay at walang-bahid dungis na bagong mundo! Tiyak na muli kang mabubuhay sa loob ng Aking kaluwalhatian! Ah, Bundok ng Sion! Huwag nang manahimik—nakabalik na Ako nang matagumpay! Mula sa gitna ng paglikha, sinisiyasat Ko ang buong daigdig. Sa lupa, nagsimula na ng bagong buhay at nagkamit na ng bagong pag-asa ang sangkatauhan. Ah, Aking mga tao! Paanong hindi kayo muling mabubuhay sa loob ng Aking liwanag? Paanong hindi kayo magtatalunan sa galak sa ilalim ng Aking patnubay? Nagsisigawan sa saya ang mga lupain, namamaos sa masayang paghalakhak ang katubigan! Ah, ang nabuhay na mag-uling Israel! Paanong hindi ka magmamalaki dahil sa Aking itinakdang hantungan? Sino ang napaiyak? Sino ang napahagulgol? Ang dating Israel ay nawala na, at ang Israel sa ngayon ay nagbangon na, nang tuwid at matayog sa mundo, at nakatayo sa puso ng buong sangkatauhan. Tiyak na matatamo ng Israel ngayon ang pinagmumulan ng pag-iral sa pamamagitan ng Aking mga tao! Ah, kasuklam-suklam na Ehipto! Siguro naman ay hindi ka na laban sa Akin? Paano mo nagagawang samantalahin ang Aking awa at sinusubukang takasan ang Aking pagkastigo? Paanong hindi ka makairal sa loob ng Aking pagkastigo? Lahat ng Aking minamahal ay tiyak na mabubuhay nang walang hanggan, at lahat ng laban sa Akin ay tiyak na kakastiguhin Ko nang walang hanggan. Sapagkat Ako ay isang mapanibughuing Diyos at hindi Ko basta patatawarin ang mga tao sa lahat ng kanilang nagawa. Babantayan Ko ang buong daigdig at, habang nagpapakita sa Silangan ng mundo nang may katuwiran, kamahalan, poot, at pagkastigo, ihahayag Ko ang Aking sarili sa napakaraming hukbo ng sangkatauhan!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 26

Sinundan: Pagpapakita at Gawain ng Diyos

Sumunod: Ang Pagkakatawang-tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito