Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon
Sa pamamagitan lamang ng paghahanap sa katotohanan matatamo ng isang tao ang pagbabago sa kanyang disposisyon: Ito ay isang bagay na kailangang lubos na maintindihan at maunawaan ng mga tao. Kung wala kang sapat na pagkaunawa sa katotohanan, madali kang magkakamali at maliligaw ng landas. Kung nais mong lumago sa buhay, kailangan mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Anuman ang iyong ginagawa, dapat mong alamin kung paano umasal nang tama upang makaayon sa katotohanan, at tuklasin kung anong mga dungis ang umiiral sa iyong kalooban na lumalabag dito; dapat kang magkaroon ng malinaw na pagkaunawa tungkol sa mga bagay na ito. Anuman ang iyong ginagawa, dapat mong isipin kung ito ba ay nakaayon sa katotohanan o hindi, at kung ito ba ay may halaga at kabuluhan o wala. Maaari mong gawin ang mga bagay na nakaayon sa katotohanan, ngunit hindi mo maaaring gawin ang mga bagay na hindi. Patungkol sa mga bagay na maaari mong gawin o hindi gawin, kung maaaring bitiwan ang mga ito, bitiwan mo ang mga ito. Kung hindi, kung gagawin mo ang mga bagay na ito nang ilang panahon at kalaunan ay matuklasan mo na dapat mong bitiwan ang mga ito, kung gayon ay mabilis na magpasya at bitiwan kaagad ang mga ito. Ito ang prinsipyong dapat mong sundan sa lahat ng ginagawa mo. Ito ang tanong ng ilang tao: Bakit napakahirap hanapin ng katotohanan at isagawa ito—na tila ba namamangka ka nang pasalungat sa agos, at maaanod ka pabalik kung tumigil ka sa pagsagwan nang pasulong? Gayunman, bakit ba mas madali talagang gumawa ng masama o walang-kabuluhang mga bagay—kasindali ng pamamangka nang paayon sa agos? Bakit ganoon? Ito ay dahil likas sa tao ang magtaksil sa Diyos. Ang kalikasan ni Satanas ay nangibabaw na sa kalooban ng mga tao, at ito ay isang puwersang mapanlaban. Ang mga taong likas na nagtataksil sa Diyos, mangyari pa, ay malamang na gumawa ng mga bagay na nagtataksil sa Kanya, at natural na mahirap para sa kanila ang kumilos nang positibo. Ganap itong pinagpapasyahan ng kalikasang diwa ng sangkatauhan. Sa sandaling talagang maunawaan mo ang katotohanan at simulan mong mahalin ito mula sa iyong kalooban, magiging madali na sa iyo na gawin ang mga bagay na naaayon sa katotohanan. Gagawin mo ang iyong tungkulin at isasagawa ang katotohanan nang normal—nang wala pa ngang kahirap-hirap at nang may kagalakan, at mararamdaman mo na mangangailangan ng malaking pagsisikap ang paggawa ng anumang negatibo. Ito ay dahil nangibabaw na ang katotohanan sa puso mo. Kung talagang nauunawaan mo ang mga katotohanan tungkol sa buhay ng tao, magkakaroon ka ng landas na susundin pagdating sa kung anong uri ng tao dapat maging, paano maging isang taong walang kapintasan at prangka, isang taong matapat, at isang taong nagpapatotoo sa Diyos at naglilingkod sa Kanya. At sa sandaling maunawaan mo na ang mga katotohanang ito, hindi ka na muling gagawa kailanman ng masasamang gawain na sumusuway sa Kanya, ni hindi mo na muling gagampanan ang papel ng isang huwad na lider, isang huwad na manggagawa, o isang anticristo. Kahit inililigaw ka ni Satanas, o sinusulsulan ka ng sinumang masama, hindi mo ito gagawin; sinuman ang sumusubok na pilitin ka, hindi ka pa rin kikilos nang ganoon. Kung matamo ng mga tao ang katotohanan at nagiging buhay nila ang katotohanan, magagawa nilang kamuhian ang kasamaan at nakadarama sila ng pagkasuklam sa mga negatibong bagay sa kanilang kalooban. Magiging mahirap para sa kanila ang gumawa ng kasamaan, sapagkat nagbago na ang kanilang disposisyon sa buhay at nagawa na silang perpekto ng Diyos.
Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahanap ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa mga layunin ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang pagkakataon mong pagtaksilan ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawin ng mga ito ang puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para igalang mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan! Upang malutas ang problema ng paggawa ng masama, kailangan muna nilang resolbahin ang kanilang likas na pagkatao. Kung walang pagbabago sa disposisyon, hindi posibleng maghatid ng pangunahing resolusyon sa problemang ito. Kapag mayroon kang kaunting pagkaunawa tungkol sa Diyos, kapag nakikita mo ang sarili mong katiwalian at kinikilala ang pagiging kasuklam-suklam at kapangitan ng kayabangan at kapalaluan, mandidiri ka, masusuka, at mababalisa. Sadya mong magagawa ang ilang bagay upang palugurin ang Diyos at, sa paggawa nito, magiginhawahan ka. Sadya mong magagawang magbasa ng salita ng Diyos, dakilain ang Diyos, magpatotoo sa Diyos, at, sa puso mo, maliligayahan ka. Sadya mong ipapakita ang iyong tunay na pag-uugali, na inilalantad ang sarili mong kapangitan, at sa paggawa nito, bubuti ang pakiramdam mo sa iyong kalooban at madarama mo sa sarili mo na mas mabuti ang kalagayan ng iyong pag-iisip. Ang unang hakbang sa paghahanap ng pagbabago sa iyong disposisyon ay ang hangaring maunawaan ang mga salita ng Diyos at makapasok sa katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa katotohanan magkakamit ka ng pagkakilala; sa pagkakaroon lamang ng pagkakakilala mo lubusang mauunawaan ang mga bagay-bagay; sa pamamagitan ng lubusang pag-unawa sa mga bagay-bagay saka mo lamang tunay na makikilala ang iyong sarili; sa sandaling tunay mo nang makilala ang iyong sarili saka ka lamang makakapaghimagsik laban sa laman at sa gayon ay maisasagawa ang katotohanan, na unti-unti kang aakayin tungo sa pagpapasakop sa Diyos, at sa paisa-isang hakbang, makakatahak ka sa tamang landas sa iyong paniniwala sa Diyos. Konektado ito sa kung gaano kadeterminado ang mga tao kapag nagtataguyod ng katotohanan. Kung talagang desidido ang isang tao, pagkaraan ng anim na buwan o isang taon magsisimula silang tumahak sa tamang landas. Sa loob ng tatlo o limang taon, makakakita sila ng mga resulta, at madarama nila na sumusulong sila sa buhay. Kung naniniwala ang mga tao sa Diyos ngunit hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi kailanman tumutuon sa pagsasagawa sa katotohanan, maaari silang maniwala sa loob ng sampu o dalawampung taon nang hindi dumaranas ng anumang pagbabago. At sa bandang huli, iisipin nila na ganoon ang pananalig sa Diyos; iisipin nila na halos kapareho iyon ng dati nilang paraan ng pamumuhay sa sekular na mundo, at walang kabuluhan ang mabuhay. Talagang ipinapakita niyon na kung walang katotohanan, walang kabuluhan ang buhay. Maaaring nagagawa nilang magsabi ng ilang salita at doktrina, ngunit hindi pa rin sila mapapanatag at mapapakali. Kung may kaunting kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, alam kung paano mamuhay nang makabuluhan, at kayang gumawa ng ilang bagay upang mapalugod ang Diyos, kung gayon madarama nila na ganito talaga ang buhay, na sa pamumuhay lamang sa ganitong paraan magkakaroon ng kabuluhan ang kanilang buhay, at na kailangang mamuhay sila sa ganitong paraan upang mapalugod ang Diyos, masuklian ang Diyos, at mapanatag ang pakiramdam. Kung maaari nilang sadyang palugurin ang Diyos, isagawa ang katotohanan, maghimagsik laban sa kanilang sarili, talikuran ang sarili nilang mga ideya, at maging mapagpasakop at isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos—kung magagawa nilang sadyang gawin ang lahat ng bagay na ito—kung gayon ito ang kahulugan ng tumpak na isagawa ang katotohanan, at tunay na isagawa ang katotohanan. Hindi ito katulad ng dati, na umaasa lang sa mga imahinasyon at pagsunod sa mga patakaran, at iniisip na pagsasagawa ito ng katotohanan. Sa katunayan, masyadong nakakapagod ang umasa sa mga imahinasyon at sumunod sa mga patakaran, masyado ring nakakapagod ang hindi pag-unawa sa katotohanan at paggawa ng mga bagay nang walang mga prinsipyo, at mas nakakapagod pa ang pikit-matang paggawa ng mga bagay nang walang mithiin. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, hindi ka mapipigilan ng sinumang tao, ng mga pangyayari o ng mga bagay-bagay, at talagang magkakaroon ka ng kalayaan at ginhawa. Kikilos ka sa maprinsipyong paraan, at mapapanatag at liligaya, at hindi mo madarama na napakalaking pagsisikap ang kailangan dito o napakatinding pagdurusa ang idinudulot nito. Kung may ganitong uri ka ng kalagayan, nasa iyo ang katotohanan at pagkatao, at isa kang taong nagbago na ang disposisyon.
Sa proseso ng karanasan sa buhay, anuman ang mangyari, dapat mong matutuhang hanapin ang katotohanan, at pagnilayan nang husto ang bagay ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Kapag alam mo kung paano gawin ang mga bagay-bagay na lubos na naaayon sa mga layunin ng Diyos, magagawa mong pakawalan ang mga bagay-bagay na nagmumula sa sarili mong kagustuhan. Kapag alam mo na kung paano kumilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos, dapat kumilos ka lang sa ganoong paraan, na parang nagpapatangay ka sa natural na agos; ang paggawa ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan ay nakakapanatag at madali. Ganito ang ginagawa ng mga taong nakakaunawa sa katotohanan ang mga bagay-bagay. Kung maipapakita mo sa mga tao na talagang epektibo ka kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at na may mga prinsipyo sa paggawa mo ng mga bagay-bagay, na talaga ngang nagbago na ang disposisyon mo sa buhay, na marami kang nagawang mabubuting bagay para sa mga hinirang ng Diyos, isa kang taong nakakaunawa sa katotohanan, at tiyak na may wangis ng tao; at totoo nga, may epekto ang pagkain at pag-inom mo ng mga salita ng Diyos. Kapag tunay nang nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, makikilala niya ang kanyang iba’t ibang kalagayan, makikita niya nang malinaw ang mga kumplikadong bagay, kaya nga malalaman niya kung paano magsagawa nang tama. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan at hindi makilala ang sarili niyang kalagayan, kung nais niyang maghimagsik laban sa kanyang sarili, hindi niya malalaman kung ano o kung paano maghimagsik. Kung nais niyang talikuran ang sarili niyang kagustuhan, hindi niya malalaman kung ano ang mali sa sarili niyang kagustuhan, iisipin niya na naaayon sa katotohanan ang kanyang sariling kagustuhan, at maaari pa ngang ituring na kaliwanagan ng Banal na Espiritu ang sarili niyang kagustuhan. Paano tatalikuran ng gayong tao ang kanyang sariling kagustuhan? Hindi niya magagawa, at lalo nang hindi niya magagawang maghimagsik laban sa laman. Samakatuwid, kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan, madali mong mapagkakamalan na tama at naaayon sa katotohanan ang mga bagay na nagmumula sa sarili mong kagustuhan, mga bagay na nakaayon sa mga kuru-kuro, at ang kabaitan, pagmamahal, pagdurusa, at pagbabayad ng halaga ng isang tao na tama at pagiging kaayon sa katotohanan. Kung gayon, paano ka maghihimagsik laban sa mga bagay na ito ng tao? Hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at hindi mo alam kung ano ang ibig sabihin ng magsagawa ng katotohanan. Ganap kang walang kaalam-alam at imposibleng malaman mo kung ano ang gagawin, kaya magagawa mo lang ang sa tingin mo ay mabuti, at dahil dito, may mga pagkakabaluktot sa ilang pagkilos mo. Ang ilan sa mga ito ay dahil sa pagsunod sa mga patakaran, ang ilan ay dahil sa kasigasigan, at ang ilan ay dahil sa paggambala ni Satanas. Ganito ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan. Masyado silang pabagu-bago kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay, at walang humpay sa paglihis, nang wala man lang anumang katumpakan. Kakatwa ang paraan ng pagtingin ng mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan sa mga bagay-bagay, tulad lang ng mga walang pananampalataya. Paano nila posibleng maisasagawa ang katotohanan? Paano nila posibleng malulutas ang mga problema? Ang pag-unawa sa katotohanan ay hindi isang simpleng bagay. Gaano man kaliit o kalaki ang kakayahan ng isang tao, kahit pagkaraan ng habambuhay na karanasan, limitado ang dami ng katotohanang mauunawaan nila, at limitado rin ang dami ng salita ng Diyos na mauunawaan nila. Ang mga taong medyo mas may karanasan ay mga taong nakakaunawa ng ilang katotohanan, at kadalasang kaya nilang tumigil sa paggawa ng mga bagay na lumalaban sa Diyos, at tumigil sa paggawa ng malilinaw na masasamang bagay. Imposible para sa kanila na kumilos nang walang anumang halong sarili nilang mga intensiyon. Dahil normal ang pag-iisip ng mga tao at maaaring hindi palaging umaayon ang mga saloobin nila sa salita ng Diyos, hindi maiiwasang mahaluan iyon ng sarili nilang kagustuhan. Ang mahalaga ay ang magkaroon ng pagkakilala sa lahat ng bagay na nagmumula sa sariling kagustuhan ng isang tao at sumasalungat sa salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Kinakailangan ka ritong magsumikap na unawain ang salita ng Diyos; kapag naunawaan mo na ang katotohanan, saka ka lang magkakaroon ng pagkakilala, at saka mo lang matitiyak na hindi ka gagawa ng kasamaan.
Sa paghahangad na baguhin ang iyong disposisyon, kailangan mong magsikap na kilalanin ang iyong sarili, at pagkatapos ay marating ang isang partikular na lalim, kung saan kaya mong matuklasan ang mga satanikong lason na nasa iyong sariling kalikasan. Kailangan mong malaman kung ano ang ibig sabihin ng suwayin ang Diyos, gayundin kung ano ang ibig sabihin ng maghimagsik laban sa Diyos, at kailangan mong matutuhan kung anu-anong uri ng pagsasagawa ang naaayon sa katotohanan sa lahat ng bagay. Kailangan mo ring magtamo ng kaunting pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos at sa mga hinihingi Niya sa sangkatauhan. Kailangang mayroon kang konsiyensiya at katwiran sa harap ng Diyos, kailangan ay hindi ka mayabang magsalita o dinadaya ang Diyos, at kailangang hindi ka na gumagawa ng anuman para labanan ang Diyos. Kung magkagayon, nabago mo na ang iyong disposisyon. Yaong ang disposisyon ay nabago na ay nakadarama ng takot sa Diyos, at unti-unting nababawasan ang kanilang paghihimagsik laban sa Diyos. Bukod dito, sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, hindi na kailangang mag-alala ang iba sa kanila, ni kailangan ng Banal na Espiritu na palagi silang disiplinahin. Talagang kaya nilang magpasakop sa Diyos, at naaayon sa katotohanan ang mga pananaw nila sa mga bagay-bagay. Ang ibig sabihin ng lahat ng ito ay naging kaayon na sila ng Diyos. Ipagpalagay na may nag-abot ng ilang trabaho sa iyo. Hindi mo kailangan ang sinuman para pamahalaan ka, para pangasiwaan ka. Matatapos mo ang gawaing ito sa pamamagitan lamang ng salita ng Diyos at ng panalangin. Sa panahon ng gawaing ito, hindi ka pabasta-basta o mapagmataas o mapagmatuwid, ni hindi mo ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa iyong kagustuhan; hindi mo pinipigilan ang sinuman, at nagagawa mong mahabagin na tumulong sa iba. Natutulungan mo ang lahat na makakuha ng panustos at pakinabang, at nagagawa mong gabayan ang mga tao na pumasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Higit pa rito, sa panahon ng gawaing ito, hindi mo hinahangad ang iyong sariling katayuan o mga interes, hindi inaako ang anumang bagay para sa iyong sarili na hindi mo naman pinagpaguran, hindi nagsasalita para sa iyong sarili, at ano man ang pagtrato sa iyo ng sinuman, pinakikitunguhan mo sila nang maayos. Kung magkagayon, ikaw ay magiging isang taong may mabuting tayog. Hindi simpleng bagay para sa isang tao na umako ng ilang gawain at dalhin ang mga hinirang ng Diyos sa realidad ng Kanyang salita. Hindi ito magagawa kung wala ang katotohanang realidad. Maraming umaasa sa magagandang kaloob sa gawain ang bumabagsak at nabibigo. Ang mga taong hindi nagtataglay ng katotohanan ay lubusang hindi maaasahan, lalo na kung hindi nila nabago ang kanilang mga disposisyon. Ano ang tayog mo ngayon? Paano mo dapat tratuhin ang isang taong nambobola sa iyo? Kung ang isang tao ay may mga opinyon tungkol sa iyo o tinitingnan ka nang mapanuri, paano mo siya pakikitunguhan nang patas at makatwiran? Nagagawa mo bang itaas ang ranggo at pumili ng mga tao nang hindi umaasa sa iyong mga damdamin, na ganap na alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos? Nagagawa ba talaga ninyo ang mga bagay na ito sa kasalukuyan ninyong tayog? Kung karamihan sa mga tao ay walang magandang pagsusuri sa iyo pagkatapos mong gumawa sa isang partikular na lugar sa loob ng ilang taon, nangangahulugan ito na hindi mo ginagawa nang husto ang iyong tungkulin at hindi ka angkop para gamitin ng Diyos. Kung karamihan sa mga tao ay nakikita na mabuti at angkop ang ginagawa mo, ikaw ay naaakmang gamitin. Kung hindi mo taglay ang katotohanan, imposibleng maabot mo ang isang antas kung saan karapat-dapat kang gamitin ng Diyos; dapat mong makamit ang katotohanan upang maging angkop.
Sa paghahangad ng buhay, dapat mong bigyang pansin ang dalawang bagay: una, ang pag-unawa sa katotohanang napapaloob sa mga salita ng Diyos; pangalawa, ang pag-unawa sa sarili mo sa loob ng mga salita ng Diyos. Ito ang dalawang pinakapangunahing bagay. Walang buhay o katotohanan sa labas ng salita ng Diyos. Kung hindi mo hinahanap ang katotohanang napapaloob sa salita ng Diyos, saan mo ito puwedeng hanapin? Saan ba mayroong katotohanan sa daigdig? Iniuulat ba ng mga pahayagan at media sa mundo ang salita ng Diyos? Nagpapatotoo ba sa Diyos ang mga partidong pulitikal ng mundo? Praktikal bang gawin ang hayagang pagpapalaganap ng salita ng Diyos sa alinmang bansa sa mundo? Hinding-hindi. Ito ang dahilan kung bakit walang katotohanan sa mundo, kung bakit si Satanas, ang diyablo, ay namumuno sa mundo, at kung bakit madilim at masama ang mundo. Saan ba mayroon kahit katiting na katotohanan? Ang mga pinakamahalagang bahagi ng pag-unawa sa katotohanang napapaloob sa mga salita ng Diyos ay: ang pag-unawa sa Diyos sa loob ng Kanyang mga salita, pag-unawa sa buhay ng tao na nakapaloob sa Kanyang mga salita, tunay na pag-unawa sa sarili at pagtuklas sa kabuluhan ng pag-iral ng tao sa loob ng Kanyang mga salita, at sa iba pang aspeto ng katotohanan. Ang lahat ng katotohanan ay nasa loob ng mga salita ng Diyos. Hindi ka makakapasok sa katotohanan maliban sa pamamagitan ng salita ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pagdanas at pagsasagawa ng mga salita ng Diyos mo makakamit ang pagkaunawa sa katotohanan, at ang tunay na pagkaunawa sa katotohanan ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Ito ang pinakapangunahing bagay. Ang ilang tao ay gumagawa at nangangaral, pero kahit na mukhang nagbabahagi sila tungkol sa salita ng Diyos, ang tinatalakay lamang nila ay ang literal na kahulugan ng salita ng Diyos, at wala silang binabanggit na may halaga. Ang kanilang mga sermon ay parang pagtuturo mula sa isang tekstong-aklat ng wika, na nakaayos ayon sa bawat aytem at bawat aspeto, at kapag tapos na sila, umaawit ang lahat ng mga papuri, sinasabing: “Ang taong ito ay mayroong realidad. Napakahusay niyang mangaral at napakadetalyado.” Matapos mangaral ang ganitong uri ng mga tao, sinasabihan nila ang iba na pagsama-samahin ang lahat ng mga sermon nila at ipadala ang mga ito sa mga nasa iglesia. Sa paggawa nito, siya ay nagiging isang manlilihis ng mga tao. Sinisipi nila ang mga salita ng Diyos sa mga sermon, at kung pakikinggan ay parang umaayon sa katotohanan ang kanilang mga sermon, pero sinisipi nila ang mga bagay nang wala sa konteksto at nagbibigay ng mga pilit na interpretasyon na sumasalungat sa mga prinsipyo. Sa mas maingat na pagkilatis, makikita mo na ang mga ito ay walang iba kundi pawang mga salita at doktrina, imahinasyon at kuru-kuro ng tao, at ilang bagay rin na naglilimita sa Diyos. Hindi ba’t isang paggambala sa gawain ng Diyos ang ganitong uri ng pagbabahagi at pangangaral? Ito ay paglilingkod na sumasalungat sa Diyos. Kailangang magsalita nang may mga tiyak na limitasyon at hangganan ang taong may katwiran—dapat niyang malaman kung aling mga uri ng salita ang dapat niyang sabihin at alin ang nauukol sa paggawa ng kanyang mga tungkulin, at aling mga uri ng mga salita ang Diyos lamang ang makapagsasabi. Hindi dapat pumalit at magsalita ang tao sa lugar ng Diyos. Walang makaaarok kung paano kumikilos ang Diyos, kaya paano Siya ipakakahulugan ng sinuman? Hindi kwalipikado ang tao na bigyang-kahulugan ang Diyos. Kailangan itong maunawaan para maiwasan ang gumawa nang anumang hindi makatwiran. Bilang isang makatwirang tao, kailangan mong matutong lumugar, matutunan ang mga tamang sasabihin, at hindi mo dapat sabihin ang anumang hindi mo dapat sabihin. Kahit may sinabi ang Diyos sa iyo noon, hindi mo ito dapat sabihin sa iba. Kung may pananalig ka, kung kinikilala mo na ang salita ng Diyos ang katotohanan, dapat mo itong isagawa. Ang pag-usapan lang ito ay walang magandang maidudulot. Hindi ba’t pagiging mapagmataas ang palaging naisin na makinig sa iyo ang iba, na sundin nila ang sinasabi mo? Tungkol naman sa mga gawain ng Diyos, kung hindi mo nauunawaan ang mga ito, hindi mo talaga nauunawaan ang mga ito. Huwag kailanman magpanggap na nauunawaan mo ang mga ito o na alam mo ang lahat—lubhang kasuklam-suklam iyon! Palagi mong gustong humalili sa Diyos at magpakitang-gilas, na para bang naiintindihan mo ang lahat, gusto mong nasa iyo lagi ang atensiyon. Nais mo ring iwagayway ang bandila ng Diyos habang ginagawa ang mga bagay-bagay. Iyan ba ang katwiran ng isang normal na tao? Iyan ba ang pagsasagawa sa katotohanan? Alam mo ba ang mga kaisipan ng Diyos? Taglay mo ba ang karunungan ng Diyos? Ang mga tao mismo ay hindi nauunawaan ang katotohanan—lalong hindi sila nasasangkapan nito. Hindi sila makapagpatotoo sa Diyos, ni hindi sila makapagpasakop sa Diyos. Ngunit gusto nilang magsalita at kumilos habang iwinawagayway ang bandila ng Diyos. May ganitong ambisyon ang bawat tao, na isang pinakanakahihiya at hindi makatwirang bagay.
Ngayon, nagsisidatingan ang mga tao mula sa buong mundo para hanapin ang tunay na daan, kaya paano ka dapat magpatotoo para sa Diyos? Kung wala kang katwiran, kung mayabang ka, may labis na pagtingin sa sarili, kapritsoso, at nanggagambala, hindi ba’t nilalalabanan mo ang Diyos at nilalapastangan Siya? Hindi ito paggawa ng iyong tungkulin, at lalong hindi ito pagpapatotoo sa Diyos. Sa katunayan, ito ay pagbubunyag ng iyong satanikong imahe. Yaong mga tunay na nalupig ay kailangang matuto kung paano magsalita nang taimtim at magbigay ng ilang aktuwal na patotoo. Ang pagbabahagi ng iyong mga karanasan sa buhay ay mas mainam kaysa sa anupaman. Ang pagyayabang at pag-uusap tungkol sa mga dakilang teorya—ano ang silbi nito? Pagkaranas ng ilang taon ng gawain ng Diyos, hindi pa rin maayos ang asal ng mga tao. Batay sa kanilang mga identidad, ang mga tao ay hindi karapat-dapat na magpatotoo para sa Diyos. Ninanais pa rin ng mga di-makatwiran at mapagmataas na tao na magpatotoo para sa Diyos—hindi mo ba ipinapahiya at nilalapastangan ang Diyos? Hindi mo nauunawaan ang Diyos. Bukod dito, lumalaban pa rin sa Diyos ang disposisyon mo. Hindi ba’t kasuklam-suklam ang iyong pagpapatotoo? Kaya hindi karapat-dapat ang tao na magpatotoo para sa Diyos. Kung may magsasabing: “Maaari ka bang magpatotoo sa amin tungkol sa gawain ng Diyos sa mainland ng Tsina?” at sasabihin mong: “Nararanasan na namin ang gawain ng Diyos nang ilang taon, kaya sa palagay ko ay kuwalipikado kaming magpatotoo para sa Diyos,” hindi ba ito isang problema? Muli, ito ay hindi makatwiran. Ang tao ay hindi karapat-dapat na magpatotoo para sa Diyos. Dapat sabihin mo na lang na: “Hindi kami karapat-dapat na magpatotoo para sa Diyos. Pero iniligtas kami ng Diyos at pinagkalooban ng biyaya. Nakapagtamo kami ng kaunting biyaya at nakaranas ng ilang gawain ng Diyos, kaya maaari kaming magbahagi, pero hindi talaga namin maikokonsidera ang magpatotoo para sa Diyos. Maaari lang naming sabihin ang sarili naming mga karanasan.” Ayos lang na magbahagi ka kung paanong ikaw mismo ay nalupig ng Diyos, kung aling katiwalian ang ibinunyag mo noong panahong iyon, kung paanong naging mapagmataas ka, anong uri ng kinalabasan ang nangyari sa huli pagkatapos mong malupig, at kung anong uri ng kapasyahan ang tinaglay mo. Sa katunayan, ang pakikipag-usap tungkol sa mga totoong karanasan upang magpatotoo para sa Diyos ang pinakahigit na naaayon sa layunin ng Diyos, at ito ang hinihingi ng Diyos. Ang naising umako ng posisyon para magpatotoo para sa Diyos ay isang malaking pagkakamali—ikaw ay parehong walang katwiran at mayabang. Dapat mong sabihin na: “Magsasalita ako tungkol sa ilang karanasan ko, pero hindi ako karapat-dapat na magpatotoo para sa Diyos. Magbabahagi muna ako tungkol sa isang bagay. Bakit nagkatawang-tao ang Diyos sa Tsina? Marahil ay hindi ninyo lubos na nauunawaan ito. Naunawaan namin ito mula sa gawain ng Diyos. Kaming mga Intsik, na ipinanganak kung saan nakapulupot ang malaking pulang dragon, ay lumaki sa isang maruming lugar. Kami ay lubhang ginawang tiwali ni Satanas, mas higit kaming nagsisinungaling kaysa sa sinuman, lubos kaming walang pagkatao, kami ang may pinakamababang integridad, na wala ni anumang wangis ng pagkatao. Kung ikukumpara sa mga hinirang ng Diyos mula sa lahat ng iba pang bansa at rehiyon, kami ang pinakamababa, ang pinakamarumi at pinakatiwaling tao. Ito ang dahilan kung bakit hindi kami karapat-dapat na magpatotoo para sa Diyos, gayunpaman ay dinala kami sa loob ng dakilang pagliligtas ng Diyos at nakamit namin ang dakilang pagmamahal ng Diyos, kaya dapat naming sabihin ang aming mga personal na patotoong batay sa karanasan. Hindi namin maaaring pigilan ang biyaya ng Diyos.” Ang pagsasabi nang ganito ay higit na makatwiran. Matapos malupig ng Diyos ang mga tao, dapat silang magkaroon kahit papaano ng katwiran para matiyak na hindi sila magsasalita nang mapagmataas. Pinakamainam sa kanila na tumanggap ng abang katayuan, “gaya ng dumi sa lupa,” at magsalita ng ilang bagay na totoo. Lalo na kapag nagpapatotoo para sa Diyos, kung kaya mong magsabi ng isang bagay na may katuturan mula sa puso, nang walang hindi makabuluhan o kalabisang salita at walang gawa-gawang mga kasinungalingan, tunay ngang nagbago na ang iyong disposisyon; ito ang pagbabagong dapat maganap kapag nalupig ka na ng Diyos. Kung hindi mo kayang taglayin kahit ang ganitong dami ng katwiran, talagang wala kang anumang pagkakatulad sa isang tao. Sa hinaharap, kapag nakabalik na sa harap ng Diyos at nalupig na ng Kanyang mga salita ang mga taong hinirang ng Diyos mula sa lahat ng bansa at rehiyon, kung sa isang malaking pagtitipon para purihin ang Diyos ay nagsisimula ka na namang muling kumilos nang may kayabangan, palaging nagmamataas at nagpapakitang gilas, tuluyan kang tatanggalin at ititiwalag. Ang mga tao ay kailangang kumilos nang maayos palagi, kilalanin ang kanyang pagkakakilanlan at katayuan, at huwag balikan ang kanyang mga dating gawi. Ang imahe ni Satanas ay namamalas sa kayabangan at kahambugan ng tao. Hangga’t hindi mo binabago ang aspetong ito ng sarili mo, hindi ka magkakaroon ng wangis ng tao kailanman, at lagi kang magtataglay ng pagmumukha ni Satanas. Ang paglutas sa pagmamataas at labis na pagtingin sa sarili ang pinakamahirap na bagay, at ang pagkakaroon lamang ng kaunting kaalaman sa iyong pagmamataas at labis na pagtingin sa sarili ay hindi magdudulot sa iyo ng ganap na pagbabago; kakailanganin mo pa ring magtiis ng maraming pagpipino. Kung hindi ka nahatulan, nakastigo, at napungusan, manganganib ka pa rin sa katagalan. Sa hinaharap, kapag tinanggap ng mga taong hinirang ng Diyos mula sa iba’t ibang dako ng mundo ang gawain Niya at sinabing: “Matagal na kaming naliwanagan na nagtamo na ang Diyos ng isang grupo ng mga mananagumpay sa Tsina,” kapag narinig ninyo ito, iisipin ninyo: “Wala kaming anumang ipagyayabang, lahat ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. Hindi kami karapat-dapat na tawaging mga mananagumpay.” Ngunit sa paglipas ng panahon, kapag unti-unti mo nang nakikita na nagagawa mo nang magsalita ng isang bagay, at na mayroon kang kaunting realidad, magninilay-nilay ka: “Maging ang mga dayuhan ay nakamit na ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at sinasabi nilang nakagawa na ang Diyos ng isang grupo ng mga mananagumpay sa Tsina, kaya dapat kaming kilalaning mga mananagumpay!” Tahimik mong pahihintulutan ang pagkilalang ito sa puso mo ngayon, at hayagan mo itong kikilalanin kalaunan. Hindi matagalan ng mga tao ang mapuri at masubok ng katayuan. Kung lagi kang pinupuri, manganganib ka. Yaong mga hindi pa nagbago ang disposisyon ay hindi makakapanindigan sa huli.
Ang pinakamahirap ayusin na problema para sa tiwaling sangkatauhan ay ang paggawang muli ng dati nilang mga pagkakamali. Para maiwasan ito, dapat munang mabatid ng mga tao na hindi pa nila natatamo ang katotohanan, na wala pang nagiging pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay, at kahit na naniniwala sila sa Diyos, namumuhay pa rin sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at hindi pa naliligtas; malamang na pagtaksilan nila ang Diyos at lumihis sa Diyos sa anumang oras. Kung may nararamdaman silang ganitong krisis sa kanilang puso—kung, gaya nga ng madalas sabihin ng mga tao, handa sila sa panganib sa panahon ng kapayapaan—magagawa nila kahit papaano na kontrolin ang kanilang sarili, at sakali mang may mangyari sa kanila, mananalangin sila sa Diyos at aasa sa Kanya, at magagawa nilang maiwasang gawin ang gayon ding mga pagkakamali. Dapat mong makita nang malinaw na hindi pa nagbago ang iyong disposisyon, na labis pa ring nakaugat sa iyo ang kalikasan ng pagtataksil laban sa Diyos at hindi pa naalis, na may panganib pa ring pagtaksilan mo ang Diyos, at nahaharap ka sa patuloy na posibilidad ng pagdanas ng kapahamakan at pagkawasak. Totoo ito, kaya dapat kayong mag-ingat. May tatlong pinakamahahalagang punto na dapat tandaan: Una, hindi mo pa rin kilala ang Diyos; pangalawa, walang naging anumang pagbabago sa iyong disposisyon; at pangatlo, hindi mo pa naisasabuhay ang tunay na wangis ng tao. Nakaayon sa mga katunayan ang tatlong bagay na ito, totoo ang mga ito, at dapat maging malinaw ang mga ito sa iyo. Dapat may kamalayan ka sa sarili mo. Kung bukal sa loob mong ayusin ang problemang ito, dapat kang pumili ng sarili mong kasabihan: Halimbawa, “Ako ang dumi sa lupa,” o “Ako ang diyablo,” o “Madalas akong bumalik sa dati kong mga gawi,” o “Lagi akong nasa panganib.” Angkop na maging pansarili mong kasabihan ang alinman sa mga ito, at makakatulong kung lagi mo itong ipinapaalala sa iyong sarili sa lahat ng oras. Ulit-ulitin mo ito sa iyong sarili, pagnilay-nilayan ito, at baka sakaling mabawasan ang mga nagagawa mong pagkakamali, o matigil na sa paggawa ng mga pagkakamali. Anu’t anuman, ang pinakamahalaga ay ang gumugol ng mas maraming oras sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at ang maunawaan ang katotohanan, ang maunawaan ang sarili mong kalikasan at maiwaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Saka ka lamang magiging ligtas. Ang isa pang bagay ay ang huwag kailanman lumagay sa posisyon ng “isang saksi ng Diyos,” at huwag kailanman tawagin ang iyong sarili na saksi ng Diyos. Maaari ka lamang magsalita tungkol sa personal mong karanasan. Maaari ninyong sabihin kung paano kayo iniligtas ng Diyos, ibahagi kung paano kayo nilupig ng Diyos, at talakayin kung anong biyaya ang ipinagkaloob Niya sa inyo. Huwag kalimutan kailanman na kayo ang mga taong pinakalubhang nagawang tiwali; kayo ay dumi at basura. Ang magawang tanggapin ang gawain ng Diyos ngayon ay ganap na dahil sa Kanyang pag-aangat sa inyo. Ito ay dahil lang sa kayo ang mga pinakatiwali at pinakamarumi kaya nailigtas kayo ng Diyos na nagkatawang-tao, kaya napagkalooban Niya kayo ng napakalaking biyaya. Samakatuwid ay wala kayong anumang nararapat na ipagmayabang, at ang nararapat lamang ay ang purihin at pasalamatang ninyo ang Diyos. Ang inyong kaligtasan ay dahil lamang sa biyaya ng Diyos. Bakit sinasabi na kayo ang pinakamasuwerteng tao? Tinatawag kayong masuwerte hindi dahil mayroon kayong ilang kalamangan o magagandang katangian—ito ay dahil lamang ipinanganak kayo sa Tsina at lubos na ginawang tiwali at dinungisan ni Satanas. Sinunod ng Diyos ang Kanyang plano ng pamamahala, unang inililigtas ang mga pinakamarumi, pinakatiwaling tao sa lupain kung saan nakapulupot ang malaking pulang dragon, unang kinukumpleto ang isang pangkat ng mga modelo, o mga uliran. Kaya pinili Niya kayong lahat; kayo ang mga taong paunang itinalaga at hinirang ng Diyos. Kung hindi nagkaroon ang Diyos ng planong ito, maaaring napahamak na kayo magpakailanman. Kaya, masasabing kayo ang pinakamasuwerteng tao. Gayunpaman, wala kayong dapat ipagmalaki, at tiyak na hindi kayo maaaring magmayabang.
Nagdudulot ng mga pakinabang at totoong karanasan ang pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos—kaya dapat kang magpatotoo sa Diyos. Kapag nagpapatotoo para sa Diyos, dapat pangunahin kang magsalita tungkol sa kung paano hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, at kung anong mga pagsubok ang ginagamit Niya para pinuhin ang mga tao at baguhin ang kanilang mga disposisyon. Dapat din kayong magsalita tungkol sa kung gaano nang katiwalian ang naibunyag sa inyong karanasan, kung gaano na kayo nagdusa, kung gaano karaming bagay ang ginawa ninyo upang labanan ang Diyos, at kung paano kayo nalupig kalaunan ng Diyos. Magsalita kung gaano karaming tunay na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos ang mayroon kayo, at kung paano kayo dapat magpatotoo para sa Diyos at suklian Siya para sa Kanyang pag-ibig. Dapat ninyong lagyan ng diwa ang ganitong uri ng wika, habang inilalagay ito sa isang payak na paraan. Huwag pag-usapan ang mga walang kabuluhang teorya. Magsalita kayo nang mas praktikal; magsalita kayo nang mula sa puso. Ganito ninyo dapat danasin ang mga bagay-bagay. Huwag ninyong sangkapan ang inyong mga sarili ng mga tila malalim at hungkag na teorya para magpakitang-gilas; sa paggawa nito ay nagmumukha kayong mapagmataas at walang-katuturan. Dapat ay magsalita kayo nang higit tungkol sa mga tunay na bagay mula sa aktuwal ninyong karanasan, at mas magsalita nang mula sa puso; ito ay pinakakapaki-pakinabang sa iba, at pinakanararapat na makita nila. Dati, kayo ay mga taong labis na sumasalungat sa Diyos, mga pinakamalabong magpasakop sa Diyos, ngunit ngayon kayo ay nalupig—huwag ninyong kalilimutan iyan. Dapat pagbulay-bulayan at pag-isipan ang mga usaping ito nang higit pa. Sa sandaling maunawaan ng mga tao ang mga ito nang malinaw, malalaman nila kung paano magpatotoo, kung hindi, baka makagawa sila ng mga kilos na kahiya-hiya at walang-katuturan, na hindi nagpapatotoo para sa Diyos, kundi sa halip ay nagdadala ng kahihiyan sa Diyos. Kung walang tunay na mga karanasan at pagkaunawa sa katotohanan, imposible na makapagpatotoo para sa Diyos. Ang mga taong magulo at lito ang pananampalataya sa Diyos ay hindi kailanman makapagpapatotoo para sa Diyos.
Tagsibol, 1999