6. Ang Kahulugan ng Pagdurusa at Kung Anong Uri ng Pagdurusa ang Kailangang Danasin ng mga Mananampalataya sa Diyos

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, tinatalikuran sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, hindi sila minamahal ng Diyos, at ang kanilang hinaharap ay malabo. Ang pagdurusa ng ilang tao ay umaabot sa isang sukdulan, at ang kanilang mga iniisip ay nagiging tungkol sa kamatayan. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang lakas! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok ng tao. Kung minamahal mo Siya, lahat ng uri ng pagdurusa ay sasapit sa iyo—at kung hindi naman, marahil ay magiging maayos ang lahat para sa iyo at lahat ay magiging payapa sa paligid mo. Kapag minamahal mo ang Diyos, madarama mo na marami sa paligid mo ang hindi mo makakayanan, at dahil ang iyong tayog ay napakaliit ikaw ay pipinuhin; bukod dito, mawawalan ka ng kakayahang mapalugod ang Diyos, at lagi mong madarama na napakatayog ng kalooban ng Diyos, na hindi ito kayang abutin ng tao. Dahil sa lahat ng ito ikaw ay pipinuhin—dahil maraming kahinaan sa iyong kalooban, at marami ang walang kakayahang mapalugod ang kalooban ng Diyos, pipinuhin ang iyong kalooban. Ngunit kailangan ninyong makita nang malinaw na ang pagdadalisay ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagpipino. Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao. Ang mga pagsubok ay pagpapala mula sa Akin, at ilan sa inyo ang malimit na lumalapit sa Aking harapan at nakaluhod na nagmamakaawa para sa Aking mga pagpapala? Mga hangal na bata! Lagi ninyong iniisip na ang ilang mapapalad na salita ay maibibilang na Aking pagpapala, gayunman ay hindi ninyo kinikilala ang kapaitan bilang isa sa Aking mga pagpapala. Ang mga nakikibahagi sa Aking kapaitan ay tiyak na makikibahagi sa Aking katamisan. Iyan ang Aking pangako at Aking pagpapala sa inyo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41

Kapag ang Diyos ay gumagawa upang pinuhin ang tao, nagdurusa ang tao. Kapag mas matindi ang pagpipino sa tao, mas titindi ang kanilang pagmamahal sa Diyos, at nabubunyag ang higit pang kapangyarihan ng Diyos sa kanilang kalooban. Sa kabaligtaran, kapag mas katiting ang tinatanggap na pagpipino ng tao, mas katiting ang paglago ng kanilang pagmamahal sa Diyos, at mas katiting na kapangyarihan ng Diyos ang mabubunyag sa kanilang kalooban. Kapag mas matindi ang pagpipino at pasakit sa taong iyon at dumaranas siya ng mas malaking pahirap, mas lalago ang kanyang pagmamahal sa Diyos, magiging mas tunay ang kanyang pananampalataya sa Diyos, at mas lalalim ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa iyong mga karanasan, may makikita kang mga tao na nagdurusa nang malaki kapag sila ay pinipino, na pinakikitunguhan at dinidisiplina nang husto, at makikita mo na ang mga taong iyon ang may matinding pagmamahal sa Diyos at mas malalim at matalas na kaalaman tungkol sa Diyos. Yaong mga hindi pa nakaranas na mapakitunguhan ay may mababaw lamang na kaalaman, at ang masasabi lamang ay: “Napakabuti ng Diyos, ipinagkakaloob Niya ang biyaya sa mga tao upang magpakasaya sila sa Kanya.” Kung naranasan ng mga tao na mapakitunguhan at madisiplina, nagagawa nilang talakayin ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Kaya kapag mas kamangha-mangha ang gawain ng Diyos sa tao, mas mahalaga at makabuluhan ito. Kapag mas hindi ito tumatagos sa iyo at mas hindi ito kaayon ng iyong mga kuru-kuro, mas nagagawa kang lupigin, kamtin, at gawing perpekto ng gawain ng Diyos. Napakalaki ng kabuluhan ng gawain ng Diyos! Kung hindi pinino ng Diyos ang tao sa ganitong paraan, kung hindi Siya gumawa ayon sa pamamaraang ito, hindi magiging epektibo at mawawalan ng kabuluhan ang gawain ng Diyos. Sinabi noong araw na pipiliin at kakamtin ng Diyos ang grupong ito, at gagawin silang ganap sa mga huling araw; dito, mayroong pambihirang kabuluhan. Kapag mas matindi ang gawaing isinasagawa Niya sa inyong kalooban, mas malalim at mas dalisay ang inyong pagmamahal sa Diyos. Kapag mas matindi ang gawain ng Diyos, mas nagagawa ng tao na maunawaan nang bahagya ang Kanyang karunungan at mas malalim ang kaalaman ng tao tungkol sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Dapat kang magdusa ng kahirapan alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at katapatan ng iyong buhay para sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan. Kung ang pinangungunahan mo ay isang mahalay na buhay, at walang hinahangad na anumang mga layunin, hindi ba’t sinasayang mo ang iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa nag-iisang katotohanan, at hindi mo dapat sayangin ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang katapatan o dangal. Walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

Kapag tumatanggap ng paghatol ng mga salita ng Diyos, hindi tayo dapat matakot sa pagdurusa, ni hindi tayo dapat matakot sa sakit, at mas lalo nang hindi tayo dapat matakot na tumagos sa ating mga puso ang mga salita ng Diyos. Dapat ay basahin natin ang iba pa Niyang mga pahayag tungkol sa kung paano Niya tayo hinahatulan at kinakastigo at inilalantad ang ating mga tiwaling diwa. Kailangan nating basahin ang mga ito at mas sundin pa ang mga ito. Huwag nating ikumpara ang iba sa mga ito—ikumpara natin ang ating sarili sa mga ito. Hindi tayo nagkukulang sa kahit isa sa mga bagay na ito; kaya nating tapatang lahat ito. Kung hindi ka naniniwala rito, humayo ka’t danasin ito mismo. … Bago gumawa ng iba pang bagay, dapat nating matanto na kailangan nating tanggapin ang bawat isa sa mga salitang sinambit ng Diyos, masarap mang pakinggan ang mga ito o hindi at nasasaktan man tayo o nasisiyahan. Iyon ang saloobing dapat nating taglayin sa mga salita ng Diyos. Anong uri ng saloobin ito? Ito ba ay isang saloobing makadiyos, isang saloobing mapagpasensya, o isang saloobing tumatanggap ng pagdurusa? Sinasabi Ko sa inyo na hindi ito anuman sa mga ito. Sa ating pananampalataya, kailangan nating matatag na panindigan na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Dahil ang mga ito nga ang katotohanan, dapat nating tanggapin ang mga ito nang makatwiran. Kinikilala o inaamin man natin ito o hindi, dapat ay lubos na tanggapin ang mga salita ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kahalagahan ng Paghahangad sa Katotohanan at ang Landas ng Paghahangad Nito

Ang pag-ibig sa Diyos ay nangangailangan ng paghahanap sa kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay, at na malalim kang magsiyasat kapag may anumang nangyayari sa iyo, sinusubukang maunawaan ang kalooban ng Diyos, at sinusubukang makita kung ano ang kalooban ng Diyos sa bagay na ito, kung ano ang nais Niyang makamit mo, at kung paano mo dapat isaisip ang Kanyang kalooban. Halimbawa: May nangyari na kinakailangan kang magtiis ng hirap, kung kailan dapat mong maunawaan kung ano ang kalooban ng Diyos at kung paano mo dapat isaisip ang Kanyang kalooban. Hindi mo dapat bigyang-kasiyahan ang iyong sarili: Isantabi mo muna ang iyong sarili. Wala nang mas kasuklam-suklam pa kaysa sa laman. Kailangan mong sikapin na mabigyan-kasiyahan ang Diyos, at dapat mong tuparin ang iyong tungkulin. Dahil sa gayong mga kaisipan, dadalhan ka ng Diyos ng natatanging kaliwanagan sa bagay na ito, at makakahanap din ng kaginhawahan ang puso mo. Maliit man o malaki, kapag may nangyayari sa iyo, dapat mo munang isantabi ang iyong sarili at ituring ang laman bilang ang pinakamababa sa lahat ng bagay. Habang mas binibigyang-kasiyahan mo ang laman, mas kumikilos ito nang walang permiso; kung bibigyang-kasiyahan mo ito ngayon, higit pa ang hihingin nito sa susunod. Habang nagpapatuloy ito, lalo pang napapamahal sa mga tao ang laman. Ang laman ay laging mayroong maluluhong pagnanasa, palagi nitong hinihingi sa iyo na bigyan ito ng kasiyahan at palugurin ito sa kalooban mo, maging ito man ay sa mga bagay na iyong kinakain, iyong sinusuot, o sa pag-init ng ulo mo, o pagpapabuyo sa mga sarili mong kahinaan at katamaran…. Habang lalo mong binibigyang-kasiyahan ang laman, mas tumitindi ang mga pagnanasa nito, at mas nagiging mapagpasasa ang laman, hanggang umabot sa puntong ang laman ng mga tao ay nagkikimkim na ng mas malalalim pang mga kuru-kuro, at sumusuway sa Diyos, at dinadakila ang sarili nito, at nagiging mapagduda sa gawain ng Diyos. … Kaya, dapat kang maghimagsik laban sa laman, at hindi magpabuyo rito: “Ang aking asawang lalaki (asawang babae), mga anak, mga inaasam, pag-aasawa, pamilya—walang mahalaga sa kanila! Ang Diyos lamang ang nasa puso ko, at dapat kong subukan sa abot ng aking makakaya na pasiyahin ang Diyos at hindi ang laman.” Dapat kang magkaroon ng ganitong kapasyahan. Kung palagi mong taglay ang ganitong kapasyahan, kapag isinagawa mo ang katotohanan, at isinantabi ang iyong sarili, magagawa mo ito nang walang gaanong hirap.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos

Kung makakapagkamit ka ng buhay sa harap ng Diyos, at kung ano ang iyong magiging katapusan sa huli, ay nakasalalay sa kung paano mo isinasagawa ang iyong paghihimagsik laban sa laman. Iniligtas ka ng Diyos, at ikaw ay pinili at itinalaga, ngunit kung ngayon ay ayaw mo Siyang bigyang-kasiyahan, ayaw mong isagawa ang katotohanan, ayaw mong maghimagsik laban sa iyong sariling laman nang may pusong tunay na nagmamahal sa Diyos, sa bandang huli ay ipapahamak mo ang iyong sarili, at sa gayon ay magtitiis ng matinding sakit. Kung lagi kang nagpapabuyo sa laman, dahan-dahan kang lulunukin ni Satanas, at iiwan kang walang buhay, o haplos ng Espiritu, hanggang dumating ang araw na ganap nang madilim ang kalooban mo. Kapag nabubuhay ka sa kadiliman, nabihag ka na ni Satanas, hindi mo na taglay ang Diyos sa puso mo, at sa panahong iyon ay pabubulaanan mo ang pag-iral ng Diyos at iiwanan Siya. Kaya, kung nais ng mga taong ibigin ang Diyos, dapat silang magbayad ng sakit at magtiis ng paghihirap. Hindi na kailangan ang panlabas na pagkataimtim at paghihirap, higit na pagbabasa at dagdag na pagiging abala; sa halip, dapat nilang isantabi ang mga bagay na nasa kanilang kalooban: ang maluluhong kaisipan, mga personal na interes, at ang sarili nilang mga konsiderasyon, mga kuru-kuro at mga layunin. Iyon ang kalooban ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos

Pangunahing hinihingi ng Diyos sa mga tao na isagawa ang katotohanan upang pakitunguhan ang mga bagay na nasa kalooban nila, upang pakitunguhan ang kanilang mga kaisipan at mga kuru-kuro na hindi kaayon ng puso ng Diyos. Pinupukaw ng Banal na Espiritu ang mga tao sa kanilang puso, at nililiwanagan at pinaliliwanag sila. Kaya sa likod ng lahat ng bagay na nangyayari ay isang labanan: Tuwing isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, o isinasagawa ang pag-ibig sa Diyos, mayroong isang malaking labanan, at bagama’t maaaring mukhang maayos ang lahat sa kanilang laman, sa kaibuturan ng kanilang mga puso, sa katunayan ay nagpapatuloy ang isang labanan sa pagitan ng buhay at kamatayan—at matapos lamang ng matinding labanang ito, matapos ang napakaraming pagmumuni-muni, saka mapagpapasyahan ang tagumpay o pagkatalo. Hindi alam ng isang tao kung tatawa o hihikbi. Dahil marami sa mga intensyon na nasa kalooban ng mga tao ang mali, o kaya’y dahil marami sa gawain ng Diyos ang taliwas sa kanilang mga kuru-kuro, kapag isinagawa ng mga tao ang katotohanan, isang malaking labanan ang nagaganap sa likod ng mga eksena. Matapos maisagawa ang katotohanang ito, sa likod ng mga eksena, hindi na mabilang ang mga patak ng luhang ibinuhos ng mga tao dahil sa kalungkutan bago nila tuluyang napagpasyahan na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Dahil sa labanang ito kung kaya’t dumaranas ang mga tao ng paghihirap at pagdadalisay; ito ay totoong pagdurusa. Kapag nangyari sa iyo ang labanan, kung magagawa mong tunay na pumanig sa Diyos, magagawa mong bigyan ng kasiyahan ang Diyos. Habang isinasagawa ang katotohanan, tiyak na magdurusa ang kalooban ng isang tao; kung, kapag isinagawa nila ang katotohanan, ang lahat ng nasa kalooban ng mga tao ay tama, hindi na sila kailangan pang gawing perpekto ng Diyos, at hindi magkakaroon ng labanan, at hindi sila magdurusa. Dahil maraming bagay sa kalooban ng tao ang hindi akmang gamitin ng Diyos, at dahil maraming mapanghimagsik na disposisyon ng laman, kung kaya’t kailangang mas malalim na matutuhan ng tao ang aral ng paglaban sa laman. Ito ang tinatawag ng Diyos na paghihirap na Kanyang hiningi sa tao na pagdaanan kasama Niya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos

Sa kanilang pananalig sa Diyos, ang hinahanap ng mga tao ay makakuha ng mga pagpapala para sa hinaharap; ito ang kanilang mithiin sa kanilang pananampalataya. Lahat ng tao ay may ganitong hangarin at inaasahan, subalit ang katiwalian sa kanilang kalikasan ay dapat malutas sa pamamagitan ng mga pagsubok. Sa alinmang mga aspeto na hindi ka nadalisay, ito ang mga aspeto kung saan dapat kang mapino—ito ang pagsasaayos ng Diyos. Lumilikha ang Diyos ng isang kapaligiran para sa’yo, pinipilit kang maging pino roon nang sa gayon ay malaman mo ang iyong sariling katiwalian. Sa huli, umaabot ka sa punto kung saan mas gugustuhin mong mamatay at isuko ang iyong mga pakana at mga ninanasa, at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Samakatuwid, kung ang mga tao ay walang ilang taon ng pagpipino at kung hindi sila nagtitiis ng itinakdang dami ng pagdurusa, hindi nila maaalis sa sarili nila ang pagkaalipin ng katiwalian ng laman sa kanilang mga saloobin at sa kanilang mga puso. Sa alinmang aspeto na ikaw ay sakop pa rin ng pang-aalipin ni Satanas, at sa alinmang aspeto na mayroon ka pa ring sarili mong mga ninanasa at hinihingi, ito ang mga aspeto kung saan dapat kang magdusa. Sa pagdurusa lamang natututunan ang mga aral, ibig sabihin ay nakakamit ang katotohanan, at nauunawaan ang kalooban ng Diyos. Sa katunayan, maraming katotohanan ang nauunawaan sa pagdanas ng masasakit na pagsubok. Walang nakakaunawa sa kalooban ng Diyos, walang nakakakilala sa pagkamakapangyarihan at sa karunungan ng Diyos, o walang nagpapahalaga sa matuwid na disposisyon ng Diyos kapag nasa isang maginhawa at magaan na kapaligiran o kapag ang mga kaganapan ay kaaya-aya. Magiging imposible iyan!

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Gumagawa ang Diyos sa bawat isang tao, at kung anuman ang Kanyang pamamaraan, anong uri ng mga tao, pangyayari at bagay ang ginagamit Niya sa Kanyang pagseserbisyo, o anumang uri ng tono mayroon ang mga salita Niya, isa lamang ang Kanyang panghuling layunin: iligtas ka. At paano ka Niya inililigtas? Binabago ka Niya. Kaya paanong hindi ka magdurusa nang bahagya? Kakailanganing magdusa ka. Ang pagdurusang ito’y maaaring kapalooban ng maraming bagay. Kung minsa’y nag-aangat ang Diyos ng isang sitwasyon sa paligid mo para mailantad ka upang makilala mo ang iyong sarili, o kaya ay tuwiran kang maiwasto, matabasan, at mailantad. Katulad ng isang nakahiga sa isang mesa para sa operasyon—sa pamamagitan lamang ng pagdaan sa kaunting kirot at pagdurusa maaaring maabot ang isang mabuting kalalabasan. Kung sa tuwing ikaw ay tinatabasan at iwinawasto, at tuwing inilalantad ka ng isang sitwasyon, pinupukaw nito ang iyong mga damdamin at pinalalakas ka, kung gayon sa pamamagitan ng prosesong ito ay magkakaroon ka ng tayog at makakapasok sa realidad ng katotohanan. Kung, tuwing ikaw ay tinatabas at iwinawasto, at tuwing isinasaayos ng Diyos ang iyong kapaligiran, wala kang nararamdamang anumang sakit o balisa o nahihirapan, at wala kang nararamdamang anuman, at kung hindi ka lalapit sa Diyos para hangarin ang Kanyang kalooban, hindi nagdarasal o naghahanap ng katotohanan, talagang napakamanhid mo! Kapag napakamanhid ng isang tao, at walang espirituwal na kamalayan kailanman, mawawalan ng paraan ang Diyos na gumawa sa kanila. Sasabihin Niya: “Napakamanhid ng taong ito at napakalalim na ng kanyang pagkatiwali. Tingnan ang lahat ng nagawa Ko na, at ang lahat ng pagsisikap na nagawa Ko; napakarami Ko nang nagawa sa kanya—ngunit hindi Ko pa rin mapukaw ang kanyang puso o magising ang kayang espiritu. Malalagay sa gulo ang taong ito; hindi siya madaling iligtas.” Kung isinasaayos ng Diyos ang ilang kapaligiran, tao, pangyayari at bagay para sa iyo, kung tinatabas at iwinawasto ka Niya at kung may natututuhan kang mga aral mula rito, kung natuto ka nang lumapit sa Diyos, natutong hanapin ang katotohanan, at, hindi mo alam, nililiwanagan at pinaliliwanag at nagtatamo ka ng katotohanan, kung nakaranas ka na ng pagbabago sa mga kapaligirang ito, nagantimpalaan, at sumulong, kung unti-unti ka nang nagkakaroon ng kaunting pagkaunawa sa kalooban ng Diyos at hindi ka na nagrereklamo, lahat ng ito ay mangangahulugan na nanindigan ka sa gitna ng mga pagsubok ng mga kapaligirang ito, at natiis mo ang pagsubok. Kung gayon, nalampasan mo na ang mahigpit na pagsubok na ito.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Usapin, at Bagay sa Malapit

Sinundan: 5. Ang Pananampalataya sa Diyos ay Hindi Dapat na para Lamang sa Paghahangad ng Kapayapaan at mga Pagpapala

Sumunod: 7. Dapat Paghandaan ng mga Mananampalataya sa Diyos ang Kanilang Hantungan nang May Sapat na Mabubuting Gawa

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito