a. Ano ang matatalinong dalaga at ano ang mga mangmang na dalaga
Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya
“Kung magkagayon ay mahahalintulad ang kaharian ng langit sa sampung dalaga, na kinuha ang kanilang mga ilawan, at nagsilabas upang salubungin ang kasintahang lalaki. At ang lima sa kanila ay mga mangmang, at ang lima ay matatalino. Yaong mga mangmang ay dinala ang kanilang mga ilawan, at hindi nangagdala ng langis: Subalit ang matatalino ay nangagdala ng langis sa kanilang sisidlan kasama ng kanilang mga ilawan. Habang naaantala sa pagdating ang kasintahang lalaki, silang lahat ay inantok at nakatulog. At pagkahating gabi ay may sumigaw, ‘Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin siya.’ Pagkatapos ay nagsipagbangong lahat ang mga dalagang yaon, at inayos ang kanilang mga ilawan. At sinabi ng mga mangmang sa matatalino, ‘Bigyan ninyo kami ng inyong langis; sapagkat nangamamatay na ang aming mga ilawan.’ Datapuwat nagsisagot ang matatalino, na nangagsasabi, ‘Hindi maaari; baka hindi magkasya sa amin at sa inyo: magsiparoon muna kayo sa nagbebenta, at magsibili kayo ng para sa inyo.’ At habang sila ay nagsisiparoon sa pagbili, ay dumating ang kasintahang lalaki; at ang mga naghanda ay nagsipasok na kasama Niya sa piging ng kasalan: at inilapat ang pintuan. Pagkatapos ay nagsirating naman ang mga ibang dalaga, na nagsisipagsabi, ‘Panginoon, Panginoon, buksan mo kami.’ Datapuwa’t sumagot Siya at sinabi, ‘Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Hindi Ko kayo nangakikilala’” (Mateo 25:1–12).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang “limang matatalinong dalaga at limang mangmang na dalaga” ay parehong hindi kumakatawan sa bilang ng tao o sa uri ng mga tao. Ang “limang matatalinong dalaga” ay tumutukoy sa bilang ng mga tao, at ang “limang mangmang na dalaga” ay kumakatawan sa isang uri ng mga tao, ngunit alinman sa dalawang ito ay hindi tumutukoy sa mga panganay na anak. Sa halip, kinakatawan nila ang mga nilikha. Kaya naman sila ay pinapahanda ng langis sa mga huling araw. (Hindi nagtataglay ng Aking kakayahan ang mga nilikha; kung gusto nilang maging matatalino, kailangan nilang maghanda ng langis, at kaya kailangang masangkapan sila ng Aking mga salita.) Kinakatawan ng “limang matatalinong dalaga” ang Aking mga anak at Aking bayan sa lahat ng mga tao na Aking nilikha. Tinatawag silang “mga dalaga” dahil bagama’t isinilang sila sa lupa, natamo Ko pa rin sila; maaari silang matawag na banal, kaya tinatawag silang “mga dalaga.” Ang naunang nabanggit na “lima” ay kumakatawan sa bilang ng Aking mga anak at sa Aking bayan na pauna Kong itinadhana. Ang “limang mangmang na dalaga” ay tumutukoy sa mga taga-serbisyo, sapagkat gumagawa sila ng serbisyo para sa Akin nang hindi nagpapahalaga ni katiting sa buhay, at hinahangad lamang ang mga panlabas na bagay (dahil hindi sila nagtataglay ng Aking kakayahan, anuman ang gawin nila, ito ay isang panlabas na bagay), at hindi nila kayang maging Aking mga may-kakayahang katulong, kaya tinawag silang “mga mangmang na dalaga.” Ang nabanggit sa itaas na “lima” ay kumakatawan kay Satanas, at ang katotohanan na tinawag silang “mga dalaga” ay nangangahulugan na nalupig Ko na sila at kaya nilang gumawa ng serbisyo para sa Akin—ngunit hindi banal ang ganitong tao, kaya tinatawag silang taga-serbisyo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 116
Lahat ng kayang magpasakop sa mga pinakabagong pagbigkas ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Hindi mahalaga kung paano ang mga tao dati, o kung paano gumawa ang Banal na Espiritu sa kanila dati—ang lahat niyaong mga nagkamit na ng pinakabagong gawain ng Diyos ang mga pinakapinagpala, at ang lahat niyaong hindi nakasusunod sa pinakabagong gawain ngayon ay ititiwalag. Nais ng Diyos yaong kayang tanggapin ang bagong liwanag, at nais Niya yaong tumatanggap at nakakaalam sa Kanyang pinakabagong gawain. Bakit sinasabi na dapat kang maging isang malinis na birhen? Nagagawa ng isang malinis na birhen na hangarin ang gawain ng Banal na Espiritu at maunawaan ang mga bagong bagay, at higit pa rito, nagagawang isantabi ang mga dating kuru-kuro, at magpasakop sa gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Ang grupong ito ng mga tao, na tumatanggap sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan, ay mga paunang itinadhana ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at ang mga pinakapinagpala sa lahat ng tao. Naririnig ninyo nang tuwiran ang tinig ng Diyos, at nakikita ang pagpapakita ng Diyos, at kaya, sa kabuuan ng langit at lupa, at sa kabuuan ng mga kapanahunan, walang sinuman ang naging mas pinagpala kaysa sa inyo, ang grupong ito ng mga tao. Ang lahat ng ito ay dahil sa gawain ng Diyos, dahil sa paunang pagtatadhana at pagpili ng Diyos, at dahil sa biyaya ng Diyos; kung hindi sinabi at binigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita, maaari kayang ang inyong mga kalagayan ay magiging kagaya ng sa kasalukuyan? Kaya, lahat nawa ng kaluwalhatian at papuri ay mapasa-Diyos, sapagka’t ang lahat ng ito ay dahil itinataas kayo ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak
Lahat niyaong nagagawang sumunod sa kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Sinundan din ng mga tao sa mga kapanahunang lumipas ang mga yapak ng Diyos, ngunit hindi sila nakasunod hanggang sa kasalukuyan; ito ang pagpapala ng mga tao sa mga huling araw. Yaong mga nagagawang sumunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, at nagagawang sumunod sa mga yapak ng Diyos, na sumusunod sa Diyos saanman Niya sila akayin—ito ang mga tao na pinagpala ng Diyos. Yaong mga hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi pa nakapasok sa gawain ng mga salita ng Diyos, at gaano man sila gumawa, o gaano man katindi ang kanilang pagdurusa, o gaano man sila magparoo’t parito, walang anuman dito ang may kabuluhan sa Diyos, at hindi Niya sila sasang-ayunan. Sa ngayon, lahat ng sumusunod sa pinakabagong mga salita ng Diyos ay nasa daloy ng Banal na Espiritu; yaong mga estranghero sa mga pinakabagong salita ng Diyos ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang gayong mga tao ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Ang paglilingkod na hiwalay sa pinakabagong mga pagbigkas ng Banal na Espiritu ay paglilingkod na mula sa laman, at mula sa mga kuru-kuro, at imposible itong maging alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Kung ang mga tao ay nabubuhay sa gitna ng mga relihiyosong kuru-kuro, wala silang magagawang anuman na ayon sa mga layunin ng Diyos, at bagama’t naglilingkod sila sa Diyos, naglilingkod sila sa kalagitnaan ng kanilang mga guni-guni at mga kuru-kuro, at ganap na walang kakayahan na maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Hindi nauunawaan niyaong mga hindi nagagawang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu ang mga layunin ng Diyos, at yaong mga hindi nakauunawa sa mga layunin ng Diyos ay hindi maaaring maglingkod sa Diyos. Nais ng Diyos ang paglilingkod na naaayon sa Kanyang mga layunin; ayaw Niya sa paglilingkod na mula sa mga kuru-kuro at sa laman. Kung walang kakayahan ang mga tao na sundan ang mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu, sila ay nabubuhay sa gitna ng mga kuru-kuro. Ang paglilingkod ng gayong mga tao ay nakakagambala at nakakagulo, at ang gayong paglilingkod ay sumasalungat sa Diyos. Kaya yaong mga hindi nagagawang sundan ang mga yapak ng Diyos ay walang kakayahan na maglingkod sa Diyos; yaong hindi magawang sundan ang mga yapak ng Diyos ay tiyak na tiyak na kinakalaban ang Diyos, at mga walang kakayahan na maging kaayon ng Diyos. Ang “pagsunod sa gawain ng Banal na Espiritu” ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa mga kasalukuyang layunin ng Diyos, ang magawang kumilos alinsunod sa kasalukuyang mga hinihingi ng Diyos, ang magawang magpasakop at sundan ang Diyos sa kasalukuyan, at ang pagpasok alinsunod sa pinakabagong mga pagbigkas ng Diyos. Tanging ito ang isang tao na sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu at nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang gayong mga tao ay hindi lamang may kapabilidad na matanggap ang pagsang-ayon ng Diyos at makita ang Diyos, kundi malalaman din nila ang disposisyon ng Diyos mula sa pinakabagong gawain ng Diyos, at malalaman din ang mga kuru-kuro at pagrerebelde ng tao, at kalikasan at diwa ng tao, mula sa Kanyang pinakabagong gawain; bukod dito, nagagawa nilang unti-unting matamo ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa panahon ng kanilang paglilingkod. Ang mga tao lamang na kagaya nito ang nagagawang kamtin ang Diyos, at tunay na nakasumpong na sa tunay na daan. Ang mga taong itinitiwalag ng gawain ng Banal na Espiritu ay mga tao na walang kakayahan na sundan ang pinakabagong gawain ng Diyos, at mga naghihimagsik laban sa pinakabagong gawain ng Diyos. Ang gayong mga tao ay hayagang kinakalaban ang Diyos sapagkat ang Diyos ay gumawa ng bagong gawain, at sapagkat ang wangis ng Diyos ay hindi kagaya ng nasa kanilang mga kuru-kuro—bilang resulta nito, hayagan nilang kinakalaban ang Diyos at hinuhusgahan ang Diyos, na humahantong na sila ay itaboy ng Diyos. Ang pagtataglay ng kaalaman tungkol sa pinakabagong gawain ng Diyos ay hindi madaling bagay, ngunit kung gusto ng mga tao na magpasakop sa gawain ng Diyos at hangarin ang gawain ng Diyos, magkakaroon sila ng pagkakataon na makita ang Diyos, at magkakaroon ng pagkakataon na kamtin ang pinakabagong paggabay ng Banal na Espiritu. Yaong mga sinasadyang kalabanin ang gawain ng Diyos ay hindi makakatanggap ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu o ng paggabay ng Diyos. Kaya, kung matatanggap man o hindi ng mga tao ang pinakabagong gawain ng Diyos ay nakasalalay sa biyaya ng Diyos, nakasalalay ito sa kanilang paghahangad, at nakasalalay ito sa kanilang mga layunin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak
Yamang nananampalataya ang tao sa Diyos, dapat niyang malapit na sundan ang bawat yapak ng Diyos; dapat siyang “sumunod sa Kordero saan man pumaroon ang Kordero.” Ang mga ito lamang ang mga taong totoong naghahanap ng tunay na daan, sila lamang iyong mga nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong matigas na sumusunod sa mga salita at mga doktrina ay iyong mga itiniwalag na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na “si Jehova ang Diyos” at “si Jesus ang Cristo,” na mga katotohanan na bawat isa ay aplikable lamang sa iisang kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at siya ay sumusunod nang mahigpit. Sa paraang ito, paano maititiwalag ng Banal na Espiritu ang tao? Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga’t ang tao ay nakatitiyak na ito ang gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang anumang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan? Hindi nahinto kailanman ang gawain ng Diyos, hindi kailanman natigil ang Kanyang mga yapak, at bago pa man matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala, Siya ay palaging abala, at hindi kailanman tumitigil. Ngunit iba ang tao: Dahil nagkamit lamang ng maliit na gawain ng Banal na Espiritu, itinuturing niya ito na parang hindi kailanman magbabago; dahil nagkamit lamang ng maliit na kaalaman, hindi na siya nagpapatuloy sa “pagsubaybay” sa mas bagong gawain ng Diyos; dahil nakakita lamang ng maliit na bahagi ng gawain ng Diyos, agad na niyang nililimitahan ang Diyos sa pagiging isang partikular na batong imahen, at naniniwala na palaging mananatili ang Diyos sa ganoong anyo na nakikita niya, na ganito rin sa nakalipas at laging magiging ganoon sa hinaharap; dahil nagkamit lamang ng kaunting mababaw na pagkakilala, napakayabang ng tao kaya’t nakakalimutan niya ang kanyang sarili at nagsisimulang walang pakundangang ipahayag ang isang disposisyon at ang pagiging Diyos ng Diyos na hindi talaga umiiral; at kung natitiyak ang tungkol sa isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, kahit anong uri ng tao ang nagpapahayag ng bagong gawain ng Diyos, hindi ito tinatanggap ng tao. Ang mga ito ay mga taong hindi matatanggap ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; masyado silang makaluma, at hindi kayang tumanggap ng mga bagong bagay. Ang gayong mga tao ay nananampalataya sa Diyos ngunit tinatanggihan din ang Diyos. Naniniwala ang tao na mali ang mga Israelita na “maniwala lamang kay Jehova at hindi kay Jesus,” ngunit karamihan ng mga tao ay gumaganap ng papel kung saan sila ay “naniniwala lamang kay Jehova at tinatanggihan si Jesus” at “nananabik para sa pagbabalik ng Mesiyas, ngunit tinututulan ang Mesiyas na tinatawag na Jesus.” Hindi na nakapagtataka, kung gayon, na ang mga tao ay nabubuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas matapos tanggapin ang isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi pa rin tinatanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t ito ang bunga ng pagiging mapaghimagsik ng tao? Ang mga Kristiyano sa buong mundo na hindi nakakasabay sa bagong gawain ng ngayon ay nangungunyapit lahat sa pag-asa na magiging mapalad sila, ipagpapalagay na tutuparin ng Diyos ang bawat isa sa kanilang mga kahilingan. Subalit hindi nila masasabi nang tiyak kung bakit dadalhin sila paitaas ng Diyos sa ikatlong langit, o kung nakatitiyak ba sila kung paano sila tatanggapin ni Jesus na nakasakay sa puting ulap, lalong hindi nila masasabi nang may lubos na katiyakan kung si Jesus ay totoong darating sakay ng puting ulap sa araw na kanilang naguguni-guni. Lahat sila ay nababahala, at nalilito; hindi rin nila alam sa sarili nila mismo kung bawat isa sa kanila ay dadalhin paitaas ng Diyos, ang iba’t ibang maliliit na bilang ng tao mula sa iba’t ibang denominasyon. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon, ang kasalukuyang kapanahunan, ang mga layunin ng Diyos—wala silang pagkaarok sa anuman sa mga bagay na ito, at wala silang magagawa kundi ang magbilang ng mga araw sa kanilang mga daliri. Tanging ang mga sumusunod lamang sa mga yapak ng Kordero hanggang sa pinakahuli ang magkakamit ng pangwakas na pagpapala, samantalang ang mga “tusong tao,” na hindi nakakasunod hanggang sa katapus-katapusan ngunit naniniwala na nakamtan na nila ang lahat, ay walang kakayahang masaksihan ang pagpapakita ng Diyos. Bawat isa sa kanila ay naniniwala na siya ang pinakamatalinong tao sa lupa, at pinuputol nila ang patuloy na pag-unlad ng gawain ng Diyos na wala naman talagang dahilan, at sila ay tila naniniwala nang may lubos na katiyakan na dadalhin sila paitaas ng Diyos sa langit, silang “mayroong lubos na katapatan sa Diyos, sumusunod sa Diyos, at tumatalima sa mga salita ng Diyos.” Kahit na sila ay mayroong “lubos na katapatan” sa mga salitang sinabi ng Diyos, ang kanilang mga salita at kilos ay nakasusuklam pa rin dahil kanilang nilalabanan ang gawain ng Banal na Espiritu, at gumagawa ng panlilinlang at kasamaan. Iyong mga hindi kayang sumunod hanggang sa pinakahuli, at hindi makasasabay sa gawain ng Banal na Espiritu at kumakapit lamang sa lumang gawain, ay hindi lamang nabigo sa pagkamit ng katapatan sa Diyos, ngunit sa kabaligtaran, naging iyong mga sumasalungat sa Diyos, iyong mga tinatanggihan ng bagong kapanahunan, at iyong mga mapaparusahan. Mayroon pa bang mas nakakaawa kaysa kanila?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Sinasabi Ko sa inyo, yaong mga naniniwala sa Diyos dahil sa mga tanda ay tiyak na ang kategoryang pupuksain. Yaong mga walang kakayahang tumanggap sa mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategoryang wawasakin magpakailanman. Maraming tao ang maaaring walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat diumano’y banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ninyo mismo si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging panahon ng pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding pananabik para sa iyo. Gayumpaman, dapat mong malaman na sa sandaling masaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit, iyon din ang sandali ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan, ang panahon kung kailan ang katapusan ng plano ng pamamahala ng Diyos ay naproklama na, at kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat nagwakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Ang mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nadala na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na cristo” ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagkakaloob ng buhay at ng tunay na daan. Kaya nga maaari lamang silang pakitunguhan ni Jesus kapag hayagan na Siyang nagbalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mapagmataas. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang mga gayong basura? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang tanda ng pagkondena. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang nagpapasakop sa patnubay ng Banal na Espiritu at nauuhaw at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng pananampalataya sa Diyos. Huwag kayong arbitraryong gumawa ng agarang kongklusyon; higit pa riyan, huwag kayong maging kaswal at pabasta-basta sa inyong pananampalataya sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat magtaglay ng mapagpakumbaba at may-takot-sa-Diyos na puso. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na gumagawa ng agarang kongklusyon o kinokondena ito ay mayayabang na tao. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang kalipikadong sumpain o kondenahin ang iba. Lahat kayo ay dapat maging mga taong may katwiran at tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at mabasa ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga pananaw at sa Bibliya, sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag maging masyadong tiwala sa sarili, at huwag mong masyadong itaas ang sarili. Sa munting may-takot-sa-Diyos na pusong taglay mo, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagninilayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga ito o hindi, at kung ang mga ito ay buhay o hindi. Marahil, iilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang kokondenahin ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na cristo ito na naparito upang ilihis ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Napakakaunti ng nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kitang magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang kondenahin ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malihis. Hindi ba iyon magiging lubhang nakakapanghinayang? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at wala kang mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang katotohanang iyon na sinambit nang napakaliwanag at napakalinaw, hindi ba hindi ka akma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba isa kang taong hindi sapat na pinagpalang makabalik sa harap ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag kang padalos-dalos at mapusok, at huwag mong ituring na laro ang pananampalataya sa Diyos. Mag-isip ka alang-alang sa iyong hantungan, alang-alang sa iyong mga kinabukasan, alang-alang sa iyong buhay, at huwag mong paglaruan ang sarili mo. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa
Kaugnay na mga Himno
Mapapalad ang mga Tumatanggap ng Bagong Gawain ng Diyos
Ang mga Mananampalataya ay Dapat Sumunod nang Mabuti sa mga Yapak ng Diyos