1. Ano ang Pagkakatawang-tao? Ano ang Diwa ng Pagkakatawang-tao?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang “pagkakatawang-tao” ay ang pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao; gumagawa ang Diyos sa gitna ng nilikhang sangkatauhan sa larawan ng katawang-tao. Kaya, dahil Siya ang pagkakatawang-tao ng Diyos, kailangan muna Siyang maging katawang-tao, katawang-taong may normal na pagkatao; ito ang pinakapangunahing kinakailangan. Sa katunayan, ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay namumuhay at gumagawa sa katawang-tao, na ang Diyos sa Kanyang pinakadiwa ay nagkakatawang-tao, nagiging isang tao. Ang Kanyang buhay at gawain sa katawang-tao ay maaaring hatiin sa dalawang yugto. Una ay ang buhay na Kanyang ipinamumuhay bago gampanan ang Kanyang ministeryo. Naninirahan Siya sa piling ng isang ordinaryong pamilya ng tao, sa lubos na normal na pagkatao, sumusunod sa normal na mga moralidad at batas ng buhay ng tao, na may normal na mga pangangailangan ng tao (pagkain, damit, tulog, tirahan), normal na mga kahinaan ng tao, at normal na mga damdamin ng tao. Sa madaling salita, sa unang yugtong ito ay nabubuhay Siya sa pagkataong walang pagka-Diyos at lubos na normal, nakikisali sa lahat ng normal na aktibidad ng tao. Ang pangalawang yugto ay ang buhay na Kanyang ipinamumuhay matapos Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo. Nananahan pa rin Siya sa ordinaryong pagkatao na may isang normal na katawan ng tao, na hindi nagpapakita ng panlabas na tanda ng pagiging higit-sa-karaniwan. Subalit namumuhay Siya nang dalisay para lamang sa kapakanan ng Kanyang ministeryo, at sa panahong ito ay ganap na umiiral ang Kanyang normal na pagkatao upang suportahan ang normal na gawain ng Kanyang pagka-Diyos, sapagkat sa panahong iyon ay gumulang na ang Kanyang normal na pagkatao hanggang sa punto na kaya na Niyang gampanan ang Kanyang ministeryo. Kaya, ang ikalawang yugto ng Kanyang buhay ay upang gampanan ang Kanyang ministeryo sa Kanyang normal na pagkatao, kapag ito ay isang buhay kapwa ng normal na pagkatao at ng ganap na pagka-Diyos. Sa unang yugto ng Kanyang buhay, kaya Siya namumuhay sa ganap na ordinaryong pagkatao ay dahil ang Kanyang pagkatao ay hindi pa kayang panatilihin ang kabuuan ng banal na gawain, hindi pa gumugulang; matapos gumulang ang Kanyang pagkatao, saka lamang Siya nagkaroon ng kakayahang balikatin ang Kanyang ministeryo, nakayanan Niyang magsimulang gampanan ang ministeryong dapat Niyang isagawa. Dahil katawang-tao Siya, kailangan Niyang lumaki at gumulang. Samakatwid, ang unang yugto ng Kanyang buhay ay iyong sa normal na pagkatao, samantalang sa pangalawang yugto, kaya ng Kanyang pagkatao na isagawa ang Kanyang gawain at gampanan ang Kanyang ministeryo, at kaya ang buhay ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng Kanyang ministeryo ay parehong sa pagkatao at sa ganap na pagka-Diyos. Kung, mula sa sandali ng Kanyang pagsilang, pormal na sinimulan ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang ministeryo, na nagsasagawa ng higit-sa-karaniwang mga tanda at himala, hindi sana Siya nagkaroon ng pisikal na diwa. Samakatwid, umiiral ang Kanyang pagkatao para sa kapakanan ng Kanyang pisikal na diwa; hindi maaaring magkaroon ng katawang-tao nang walang pagkatao, at ang isang taong walang pagkatao ay hindi isang tao. Sa ganitong paraan, ang pagkatao ng laman ng Diyos ay isang likas na katangian ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ang sabihing “kapag naging tao ang Diyos ay mayroon lang Siyang pagka-Diyos, at walang pagkatao,” ay isang kalapastanganan, sapagkat wala talagang ganitong pahayag, at lumalabag ito sa prinsipyo ng pagkakatawang-tao. Kahit matapos Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo, namumuhay pa rin Siya sa Kanyang pagka-Diyos na may katawan ng tao kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; kaya lamang, sa panahong iyon, ang Kanyang pagkatao ay para lamang sa layuning tulutan ang Kanyang pagka-Diyos na gampanan ang gawain sa normal na katawang-tao. Kaya ang kumakatawan sa gawain ay ang pagka-Diyos na nananahan sa Kanyang pagkatao. Ang Kanyang pagka-Diyos, hindi ang Kanyang pagkatao, ang gumagawa, subalit ang pagka-Diyos na ito ay nakatago sa loob ng Kanyang pagkatao; sa diwa, ang Kanyang gawain ay ginagawa ng Kanyang ganap na pagka-Diyos, hindi ng Kanyang pagkatao. Ngunit ang nagsasagawa sa gawain ay ang Kanyang katawang-tao. Masasabi ng isang tao na Siya ay isang tao at isa ring Diyos, sapagkat ang Diyos ay nagiging isang Diyos na namumuhay sa katawang-tao; mayroon Siyang katawan ng tao at diwa ng tao, at higit pa rito, mayroon Siya ng diwa ng Diyos. Dahil Siya ay isang tao na mayroong diwa ng Diyos, nangingibabaw Siya sa lahat ng taong nilikha, nangingibabaw sa sinumang tao na makakagawa ng gawain ng Diyos. Kaya nga, sa lahat ng may katawan ng taong kagaya ng sa Kanya, sa lahat ng nagtataglay ng pagkatao, Siya lamang ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao—lahat ng iba pa ay mga taong nilikha. Bagama’t lahat sila ay may pagkatao, walang ibang taglay ang mga tao maliban sa pagkatao, samantalang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naiiba: Sa Kanyang katawang-tao hindi lamang Siya may pagkatao kundi, ang pinakamahalaga, mayroon Siyang pagka-Diyos. Ang Kanyang pagkatao ay makikita sa panlabas na anyo ng Kanyang katawan at sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, ngunit ang Kanyang pagka-Diyos ay mahirap mahiwatigan. Dahil naipapahayag lamang ang Kanyang pagka-Diyos kapag Siya ay may pagkatao, at hindi higit-sa-karaniwan na tulad ng iniisip ng mga tao, napakahirap para sa mga tao na makita ito. Kahit ngayon, hirap na hirap ang mga tao na arukin ang totoong diwa ng Diyos na nagkatawang-tao. Kahit matapos Akong magsalita nang napakahaba tungkol dito, inaasahan Ko na isa pa rin itong hiwaga sa karamihan sa inyo. Sa katunayan, napakasimple ng isyung ito: Ngayong naging tao ang Diyos, ang Kanyang diwa ay isang kombinasyon ng pagkatao at ng pagka-Diyos. Ang kombinasyong ito ay tinatawag na Diyos Mismo, Diyos Mismo sa lupa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos
Ang buhay na ipinamuhay ni Jesus sa lupa ay isang normal na buhay ng katawang-tao. Namuhay Siya sa normal na pagkatao ng Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang awtoridad—na gawin ang Kanyang gawain at sambitin ang Kanyang salita, o pagalingin ang maysakit at palayasin ang mga demonyo, gawin ang gayong di-pangkaraniwang mga bagay—ay hindi nakita, kadalasan, hanggang sa simulan Niya ang Kanyang ministeryo. Ang Kanyang buhay bago mag-edad dalawampu’t siyam, bago Niya isinagawa ang Kanyang ministeryo, ay sapat nang patunay na isa lamang Siyang normal na katawang may laman. Dahil dito, at dahil hindi pa Niya nasimulang isagawa ang Kanyang ministeryo, walang nakita ang mga tao na anumang pagka-Diyos sa Kanya, wala silang nakitang higit pa sa isang normal na tao, isang ordinaryong tao—tulad noon, naniwala ang ilang tao na Siya ang anak ni Jose. Ang akala ng mga tao ay anak Siya ng isang ordinaryong tao, wala silang paraan para masabi na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao; habang isinasagawa Niya ang Kanyang ministeryo, kahit noong Siya ay magsagawa ng maraming himala, sinabi pa rin ng karamihan sa mga tao na Siya ang anak ni Jose, sapagkat Siya ang Cristo na may katawan ng normal na pagkatao. Ang Kanyang normal na pagkatao at ang Kanyang gawain ay kapwa umiral upang matupad ang kabuluhan ng unang pagkakatawang-tao, upang patunayan na ang Diyos ay ganap na naging tao, na Siya ay naging ganap na ordinaryong tao. Ang Kanyang normal na pagkatao bago Niya sinimulan ang Kanyang gawain ay patunay na Siya ay isang ordinaryong katawang-tao; at na Siya ay gumawa pagkatapos nito ay nagpatunay rin na Siya ay isang ordinaryong katawang-tao, sapagkat nagsagawa Siya ng mga tanda at himala, nagpagaling ng maysakit at nagpalayas ng mga demonyo sa katawang may normal na pagkatao. Kaya Siya nakakagawa ng mga himala ay dahil ang Kanyang katawang-tao ay may awtoridad ng Diyos, ang katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos. Taglay Niya ang awtoridad na ito dahil sa Espiritu ng Diyos, at hindi ito nangangahulugan na Siya ay hindi isang tao. Ang pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo ang gawaing kinailangan Niyang isagawa sa Kanyang ministeryo, isang pagpapahayag ito ng Kanyang pagka-Diyos na nakatago sa Kanyang pagkatao, at ano mang mga tanda ang Kanyang ipinakita o paano man Niya ipinamalas ang Kanyang awtoridad, namuhay pa rin Siya sa normal na pagkatao at isa pa ring normal na tao. Hanggang sa dumating sa punto na Siya ay nabuhay na mag-uli matapos mamatay sa krus, nanahan Siya sa loob ng normal na katawan. Ang pagkakaloob ng biyaya, pagpapagaling ng maysakit, at pagpapalayas ng mga demonyo ay bahaging lahat ng Kanyang ministeryo, lahat ay gawaing Kanyang isinagawa sa Kanyang normal na katawan. Bago Siya ipinako sa krus, hindi Siya kailanman umalis sa Kanyang normal na katawan ng tao, anuman ang Kanyang ginagawa. Siya ang Diyos Mismo, ginagawa ang sariling gawain ng Diyos, subalit dahil Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, Siya ay kumain ng pagkain at nagsuot ng damit, nagkaroon ng normal na mga pangangailangan ng tao, nagkaroon ng normal na pangangatwiran ng tao, at normal na pag-iisip ng tao. Lahat ng ito ay patunay na Siya ay isang normal na tao, na nagpatunay na ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay isang laman na may normal na pagkatao, hindi higit-sa-karaniwan. Ang Kanyang tungkulin ay kompletuhin ang gawain ng unang pagkakatawang-tao ng Diyos, tuparin ang ministeryong dapat isagawa sa unang pagkakatawang-tao. Ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ay na isinasagawa ng isang ordinaryo at normal na tao ang gawain ng Diyos Mismo; ibig sabihin, isinasagawa ng Diyos na iyon ang Kanyang banal na gawain sa pagkatao at sa gayon ay nagagapi si Satanas. Ang pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang Espiritu ng Diyos ay nagiging laman, ibig sabihin, ang Diyos ay nagiging katawang-tao; ang gawaing ginagawa ng katawang-tao ay ang gawain ng Espiritu, na nagiging totoo sa katawang-tao, ipinapahayag ng katawang-tao. Walang sinuman maliban sa laman ng Diyos ang makakatupad sa ministeryo ng nagkatawang-taong laman ng Diyos; ibig sabihin, tanging ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, ang normal na pagkataong ito—at wala nang iba—ang maaaring magpahayag ng banal na gawain.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos
Umiiral ang pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao para mapanatili ang normal na banal na gawain sa katawang-tao; ang Kanyang normal na pag-iisip ng tao ay sumusuporta sa Kanyang normal na pagkatao at sa lahat ng Kanyang normal na pisikal na aktibidad. Masasabi ng isang tao na ang Kanyang normal na pag-iisip ng tao ay umiiral upang suportahan ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawang-tao. Kung ang katawang-taong ito ay hindi nagtaglay ng isang normal na pag-iisip ng tao, hindi maaaring gumawa ang Diyos sa katawang-tao, at hindi maaaring isakatuparan kailanman ang kailangan Niyang gawin sa katawang-tao. Bagama’t ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng normal na pag-iisip ng tao, ang Kanyang gawain ay hindi nahahaluan ng kaisipan ng tao; ginagawa Niya ang gawain sa pagkataong may normal na pag-iisip, sa ilalim ng kondisyon na magtaglay ng pagkataong may pag-iisip, hindi sa pamamagitan ng pagsasagawa ng normal na kaisipan ng tao. Gaano man katayog ang mga kaisipan ng Kanyang katawang-tao, ang Kanyang gawain ay hindi nababahiran ng lohika o pag-iisip. Sa madaling salita, ang Kanyang gawain ay hindi binubuo ng pag-iisip ng Kanyang katawang-tao, kundi isang direktang pagpapahayag ng banal na gawain sa Kanyang pagkatao. Ang Kanyang buong gawain ay ang ministeryong kailangan Niyang tuparin, at walang anuman dito ang inisip ng Kanyang utak. Halimbawa, pagpapagaling ng maysakit, pagpapalayas ng mga demonyo, at pagpapako sa krus ay hindi mga produkto ng Kanyang pag-iisip bilang tao, at hindi maaaring makamtan ng sinumang tao na may pag-iisip ng tao. Gayundin, ang gawain ng panlulupig ngayon ay isang ministeryong kailangang isagawa ng Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi ito ang gawain ng kagustuhan ng tao, ito ang gawaing dapat gawin ng Kanyang pagka-Diyos, gawaing hindi kayang gawin ng sinumang taong may laman. Kaya ang Diyos na nagkatawang-tao ay kailangang magtaglay ng isang normal na pag-iisip ng tao, kailangang magtaglay ng normal na pagkatao, dahil kailangan Niyang isagawa ang Kanyang gawain sa pagkataong may normal na pag-iisip. Ito ang diwa ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, ang pinakadiwa ng Diyos na nagkatawang-tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos
Bago isinagawa ni Jesus ang gawain, namuhay lamang Siya sa Kanyang normal na pagkatao. Walang sinumang makapagsabi na Siya ang Diyos, walang sinumang nakaalam na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao; kilala lamang Siya ng mga tao bilang isang ganap na ordinaryong tao. Ang Kanyang ganap na ordinaryo at normal na pagkatao ay patunay na ang Diyos ay nagkatawang-tao sa laman, at na ang Kapanahunan ng Biyaya ang kapanahunan ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi ang kapanahunan ng gawain ng Espiritu. Patunay ito na ang Espiritu ng Diyos ay ganap na nagkatotoo sa katawang-tao, na sa kapanahunan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay isasagawa ng Kanyang katawang-tao ang lahat ng gawain ng Espiritu. Ang Cristong may normal na pagkatao ay isang katawang-tao kung saan naisasakatawan ang Espiritu, at nagtataglay ng normal na pagkatao, normal na katwiran, at pag-iisip ng tao. Ang “pagsasakatawan” ay nangangahulugan na ang Diyos ay nagiging tao, ang Espiritu ay nagiging tao; para mas malinaw, ito ay kapag nanahan ang Diyos Mismo sa isang katawang may normal na pagkatao, at sa pamamagitan nito ay ipinapahayag Niya ang Kanyang banal na gawain—ito ang ibig sabihin ng pagsasakatawan, o magkatawang-tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos
Sa yugto ng panahon na gumagawa ang Panginoong Jesus, nakikita ng mga tao na maraming pantaong mga pagpapahayag ang Diyos. Halimbawa, nakasasayaw Siya, nakadadalo Siya sa mga kasalan, nagagawa Niyang makipagniig sa mga tao, makipag-usap sa kanila, at magtalakay ng mga bagay kasama nila. Bukod pa riyan, natapos din ng Panginoong Jesus ang maraming gawain na kumakatawan sa Kanyang pagka-Diyos, at mangyari pa na ang lahat ng gawaing ito ay isang pagpapahayag at isang pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos. Sa panahong ito, nang ang pagka-Diyos ng Diyos ay naisakatuparan sa isang karaniwang katawang-tao na maaaring makita at mahawakan ng mga tao, hindi na nila naramdaman na Siya ay aandap-andap sa kanilang paningin o na hindi sila makalalapit sa Kanya. Sa kabaligtaran, masusubukan nilang maintindihan ang mga layunin ng Diyos o maunawaan ang Kanyang pagka-Diyos sa pamamagitan ng bawat pagkilos, sa pamamagitan ng mga salita, at sa pamamagitan ng gawain ng Anak ng tao. Ipinahayag ng nagkatawang-taong Anak ng tao ang pagka-Diyos ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao at ipinarating ang mga layunin ng Diyos sa sangkatauhan. At sa pamamagitan ng Kanyang pagpapahayag sa mga layunin at disposisyon ng Diyos, ibinunyag din Niya sa mga tao ang Diyos na hindi nakikita o nahahawakan na nananahan sa espirituwal na mundo. Ang nakita ng mga tao ay ang Diyos Mismo sa anyong nahahawakan, na gawa sa laman at dugo. Kaya ginawa ng nagkatawang-taong Anak ng tao ang mga bagay tulad ng pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, katayuan, imahe, disposisyon ng Diyos, at ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya, na kongkreto at nagawang makatao. Bagaman mayroong ilang limitasyon ang panlabas na kaanyuan ng Anak ng tao hinggil sa imahe ng Diyos, ang Kanyang diwa at ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay lubos na kayang kumatawan sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo—mayroon lang ilang pagkakaiba sa anyo ng pagpapahayag. Hindi natin maitatanggi na kinatawan ng Anak ng tao ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo, kapwa sa anyo ng Kanyang pagkatao at sa Kanyang pagka-Diyos. Sa panahong ito, gayunpaman, gumawa ang Diyos sa pamamagitan ng katawang-tao, nagsalita mula sa pananaw ng katawang-tao, at tumayo sa harapan ng sangkatauhan nang may pagkakakilanlan at katayuan ng Anak ng tao, at ito ang nagbigay ng pagkakataon sa mga tao na makaharap at maranasan ang mga praktikal na salita at gawain ng Diyos sa sangkatauhan. Pinahintulutan din nito ang kabatiran ng mga tao sa Kanyang pagka-Diyos at ang Kanyang kadakilaan sa gitna ng pagpapakumbaba, gayundin ang magkamit ng isang paunang pagkaunawa at pakahulugan sa pagiging-tunay at pagiging praktikal ng Diyos. Bagaman ang gawaing natapos ng Panginoong Jesus, ang Kanyang mga paraan ng paggawa, at ang pananaw kung saan Siya nagsasalita ay naiiba sa tunay na persona ng Diyos sa espirituwal na dako, ang lahat tungkol sa Kanya ay tunay na kumatawan sa Diyos Mismo, na hindi pa kailanman nakita ng sangkatauhan noon—hindi ito maitatanggi! Ibig sabihin, sa anumang anyo nagpapakita ang Diyos, sa alinmang pananaw Siya nagsasalita, o sa anumang imahe Niya hinaharap ang sangkatauhan, walang ibang kinakatawan ang Diyos kundi Siya Mismo. Hindi Siya maaaring kumatawan sa sinumang tao, ni sa sinuman sa tiwaling sangkatauhan. Ang Diyos ay ang Diyos Mismo, at hindi ito maitatanggi.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III
Bagaman ang panlabas na kaanyuan ng Diyos na nagkatawang-tao ay parehong-pareho ng sa tao, at bagaman natututuhan Niya ang kaalamang pantao at nagsasalita ng wikang pantao, at minsan pa nga ay ipinapahayag Niya ang Kanyang mga ideya sa pamamagitan ng mga pamamaraan ng tao o sa pamamagitan ng pagsisipi sa mga kasabihan ng tao, gayumpaman, ang paraan kung paano Niya tinitingnan ang mga tao at ang diwa ng mga bagay-bagay ay lubos na hindi katulad ng kung paano nakikita ng mga tiwaling tao ang mga ito. Ang Kanyang pananaw at ang taas kung saan Siya nakatindig ay isang bagay na di-matatamo para sa sinumang tiwaling tao. Sapagkat ang Diyos ay katotohanan, sapagkat ang katawang-tao na suot Niya ay nagtataglay rin ng diwa ng Diyos, at ang Kanyang mga kaisipan at yaong ipinapahayag ng Kanyang pagkatao ay katotohanan din. Para sa mga tiwaling tao, ang Kanyang ipinapahayag sa katawang-tao ay mga pagtustos ng katotohanan, at ng buhay. Hindi lamang para sa isang tao ang mga pagtustos na ito, kundi para sa buong sangkatauhan. Sa puso ng sinumang tiwaling tao, mayroon lang mangilan-ngilang tao na nauugnay sa kanila. Iniingatan at pinagmamalasakitan lang nila ang iilang taong ito. Kapag abot-tanaw ang sakuna, una nilang iniisip ang sarili nilang mga anak, asawa, o mga magulang. Sa pinakamainam, ang isang mas mahabaging tao ay bahagyang mag-iisip para sa ilang kamag-anak o mabuting kaibigan, subalit ang mga kaisipan ba ng maging gayong kamahabaging tao ay umaabot nang higit pa kaysa roon? Hindi, hindi kailanman! Sapagkat ang mga tao, matapos ang lahat, ay mga tao, at matitingnan lang nila ang lahat mula sa taas at pananaw ng isang tao. Gayumpaman, lubos na naiiba sa isang taong tiwali ang Diyos na nagkatawang-tao. Kahit gaano man kaordinaryo, kanormal, kamapagkumbaba ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao, o kahit gaano man Siya minamaliit ng mga tao, ang Kanyang mga kaisipan at ang Kanyang saloobin tungo sa sangkatauhan ay mga bagay na hindi kayang taglayin ng sinumang tao, na walang sinumang tao ang makagagaya. Palagi Niyang pagmamasdan ang sangkatauhan mula sa pananaw ng pagka-Diyos, mula sa taas ng Kanyang posisyon bilang ang Lumikha. Palagi Niyang titingnan ang sangkatauhan sa pamamagitan ng diwa at ng mentalidad ng Diyos. Tiyak na hindi Niya titingnan ang sangkatauhan mula sa taas ng isang karaniwang tao, o mula sa pananaw ng isang taong tiwali. Kapag tinitingnan ng mga tao ang sangkatauhan, ginagawa nila iyon gamit ang paninging pantao, at ginagamit nila ang mga bagay-bagay na gaya ng kaalamang pantao at mga patakaran at mga teoryang pantao bilang panukat. Nasa loob ito ng saklaw ng kung ano ang makikita ng mga tao gamit ang kanilang mga mata at ng saklaw na makakamtan ng mga taong tiwali. Kapag tinitingnan ng Diyos ang sangkatauhan, tumitingin Siya gamit ang paninging pang-Diyos, at ginagamit Niya ang Kanyang diwa at ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos bilang panukat. Kasama sa saklaw na ito ang mga bagay na hindi nakikita ng mga tao, at dito ganap na nagkakaiba ang Diyos na nagkatawang-tao at ang mga taong tiwali. Natutukoy ang pagkakaibang ito sa pamamagitan ng magkaibang mga diwa ng mga tao at ng Diyos—ang magkaibang mga diwang ito ang tumutukoy sa kanilang mga pagkakakilanlan at mga posisyon gayundin ang pananaw at ang taas mula sa kung saan nila nakikita ang mga bagay-bagay.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III
Ang katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos ay ang sariling katawang-tao ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ang pinakamataas; Siya ay makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Gayon din, ang Kanyang katawang-tao ay pinakamataas, makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Ang magagawa lamang ng katawang-taong ito ay yaong matuwid at makakabuti sa sangkatauhan, yaong banal, maluwalhati, at makapangyarihan; wala Siyang kakayahang gumawa ng anumang bagay na labag sa katotohanan, na labag sa moralidad at katarungan, at lalong wala Siyang kakayahang gumawa ng anuman na magkakanulo sa Espiritu ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ay banal, at sa gayon ay hindi magagawang tiwali ni Satanas ang Kanyang katawang-tao; ang Kanyang katawang-tao ay naiiba ang diwa kaysa sa laman ng tao. Sapagkat ang tao, hindi ang Diyos, ang siyang ginawang tiwali ni Satanas at hindi posibleng magawang tiwali ni Satanas ang katawang-tao ng Diyos Mismo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)
Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at kaya ang pagtawag sa Cristo na kayang magkaloob ng katotohanan sa mga tao ay hindi kalabisan kahit kaunti. Ito ay dahil taglay Niya ang diwa ng Diyos, at taglay Niya ang disposisyon ng Diyos, at ang karunungan ng gawain ng Diyos, na hindi kayang abutin ng tao. Ang mga tumatawag sa sarili nila na cristo, subalit hindi naman kayang gawin ang gawain ng Diyos, ay mga manlilinlang. Hindi lamang pagpapakita ng Diyos sa lupa si Cristo, kundi partikular din na katawang-taong tinaglay ng Diyos habang ginagawa Niya ang Kanyang gawain sa lupa at tinatapos Niya ang Kanyang gawain sa gitna ng tao. Hindi maaaring palitan ang katawang-taong ito ng kahit na sinumang tao, kundi isang katawang-tao na kakayaning pasanin ang gawain ng Diyos sa lupa, at na kayang maipahayag ang disposisyon ng Diyos, na kayang sapat na katawanin ang Diyos, at na kayang magbigay ng buhay sa tao. Sa malao’t madali, babagsak lahat ng nagpapanggap na Cristo, sapagkat bagama’t inaangkin nilang sila si cristo, hindi nila taglay ang diwa ni Cristo. Kaya naman sinasabi Ko na hindi kayang tukuyin ng tao ang pagiging-tunay ni Cristo, kundi sinasagot at pinagpapasyahan ng Diyos Mismo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
Ang Diwa ni Cristo ay Pagpapasakop sa Kalooban ng Ama sa Langit
(Isang Piniling Kabanata ng Salita ng Diyos)
Tinatawag na Cristo ang Diyos na nagkatawang-tao, at si Cristo ay ang katawang-taong dinamitan ng Espiritu ng Diyos. Hindi katulad ng sinumang taong gawa sa laman ang katawang-taong ito. Ang kaibhang ito ay dahil si Cristo ang pagkakatawang-tao ng Espiritu, sa halip na pagiging sa laman. Siya ay kapwa may normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Hindi taglay ng sinumang tao ang pagka-Diyos Niya. Ang normal na pagkatao Niya ay para panatilihin ang lahat ng normal na aktibidad Niya sa katawang-tao, habang isinasakatuparan ng pagka-Diyos Niya ang gawain ng Diyos Mismo. Pagkatao man o pagka-Diyos Niya, kapwa nagpapasakop ang mga ito sa kalooban ng Ama sa langit. Ang diwa ni Cristo ay ang Espiritu, na ibig sabihin, ang pagka-Diyos. Samakatwid, ang diwa Niya ay ang sa Diyos Mismo; hindi gagambalain ng diwang ito ang sarili Niyang gawain, at hindi Siya posibleng makagawa ng anumang bagay na sumisira sa sarili Niyang gawain, at hindi rin Siya bibigkas kailanman ng anumang mga salita na sumasalungat sa sarili Niyang kalooban. Samakatwid, hinding-hindi gagawa kailanman ang Diyos na nagkatawang-tao ng anumang gawaing gumagambala sa sarili Niyang pamamahala. Ito ang dapat maunawaan ng lahat ng tao. Ang diwa ng gawain ng Banal na Espiritu ay ang iligtas ang tao, at para sa kapakanan ng sariling pamamahala ng Diyos. Katulad nito, ang gawain ni Cristo ay ang iligtas din ang tao, at alang-alang sa kalooban ng Diyos. Yamang nagkatawang-tao ang Diyos, naisasakatuparan Niya ang diwa Niya sa loob ng Kanyang katawang-tao, sa paraang sapat na ang katawang-tao Niya upang isagawa ang Kanyang gawain. Samakatwid, ang lahat ng gawain ng Espiritu ng Diyos ay pinapalitan ng gawain ni Cristo habang nasa panahon ng pagkakatawang-tao, at ang nasa kaibuturan ng lahat ng gawain sa buong panahon ng pagkakatawang-tao ay ang gawain ni Cristo. Hindi ito maaaring ihalo sa gawain mula sa anumang ibang kapanahunan. At yamang nagiging katawang-tao ang Diyos, gumagawa Siya sa pagkakakilanlan ng Kanyang katawang-tao; yamang pumaparito Siya sa katawang-tao, tinatapos Niya sa gayon sa katawang-tao ang gawaing dapat Niyang gawin. Espiritu ng Diyos man o si Cristo, kapwa Silang ang Diyos Mismo, at ginagawa Niya ang gawain na dapat Niyang gawin at ginagampanan ang ministeryong dapat Niyang gampanan.
Nagtataglay ng awtoridad ang mismong pinakadiwa ng Diyos, ngunit nagagawa Niyang magpasakop sa lahat ng awtoridad na nagmumula sa Kanya. Gawain man ng Espiritu o gawain ng laman, hindi sumasalungat sa isa’t isa ang mga ito. Ang Espiritu ng Diyos ang awtoridad sa lahat ng bagay. Nagtataglay din ng awtoridad ang katawang-taong may diwa ng Diyos, ngunit maaaring gawin ng Diyos sa katawang-tao ang lahat ng gawaing nagpapasakop sa kalooban ng Ama sa langit. Hindi ito matatamo o maiisip ng sinumang tao. Ang Diyos Mismo ay awtoridad, ngunit maaaring magpasakop ang katawang-tao Niya sa Kanyang awtoridad. Ito ang hindi hayagang kahulugan ng “Nagpapasakop si Cristo sa kalooban ng Diyos Ama.” Isang Espiritu ang Diyos at kaya Niyang gawin ang gawain ng pagliligtas, at gayon din ang Diyos na naging tao. Sa ano’t anuman, ang Diyos Mismo ang gumagawa ng sarili Niyang gawain; hindi Siya nanggagambala ni nanggugulo, lalong hindi Siya nagsasakatuparan ng gawaing sumasalungat sa sarili nito, dahil iisa lang ang diwa ng gawaing ginagawa ng Espiritu at ng katawang-tao. Espiritu man o katawang-tao, kapwa Silang gumagawa upang tuparin ang iisang kalooban at upang pamahalaan ang iisang gawain. Bagama’t may dalawang magkaibang katangian ang Espiritu at ang katawang-tao, iisa lang ang kanilang diwa; kapwa Sila may diwa ng Diyos Mismo, at pagkakakilanlan ng Diyos Mismo. Hindi nagtataglay ang Diyos Mismo ng mga sangkap ng paghihimagsik; mabuti ang Kanyang diwa. Siya ang pagpapahayag ng lahat ng kagandahan at kabutihan, gayundin ng lahat ng pagmamahal. Kahit sa katawang-tao, hindi gumagawa ang Diyos ng anumang naghihimagsik laban sa Diyos Ama. Maging kabayaran man ang pag-aalay ng Kanyang buhay, buong puso Siyang handa na gawin ito, at wala na Siyang ibang pipiliin. Hindi nagtataglay ang Diyos ng mga sangkap ng pagmamagaling o pagpapahalaga sa sarili, o yaong sa kapalaluan at pagmamataas; hindi Siya nagtataglay ng mga sangkap ng pagiging baliko. Nagmumula kay Satanas ang lahat ng naghihimagsik laban sa Diyos; si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng kapangitan at kasamaan. Ang dahilan ng pagkakaroon ng tao ng mga katangiang kapareho ng kay Satanas ay dahil nagawa nang tiwali at naproseso na ni Satanas ang tao. Hindi nagawang tiwali ni Satanas si Cristo, kaya’t ang mga katangian ng Diyos ang tangi Niyang tinataglay, at hindi ang alinman sa mga katangian ni Satanas. Gaano man kahirap ang gawain o gaano man kahina ang katawang-tao, habang nabubuhay Siya sa katawang-tao, hindi kailanman gagawa ang Diyos ng anumang bagay na gagambala sa gawain ng Diyos Mismo, lalo nang hindi Siya tatalikod sa kalooban ng Diyos Ama at maghihimagsik. Mas gugustuhin pa Niyang magdusa ng mga pasakit ng katawang-tao kaysa salungatin ang kalooban ng Diyos Ama; tulad ito ng sinabi ni Jesus sa panalangin, “Ama, kung maaari, hayaan Mong lumampas mula sa Akin ang sarong ito: gayon man hindi ayon sa pagnanais Ko, kundi ang ayon sa pagnanais Mo.” Gumagawa ng sarili nilang mga pagpili ang mga tao, ngunit hindi si Cristo. Bagama’t mayroon Siyang pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, hinahangad pa rin Niya ang kalooban ng Diyos Ama, at tinutupad kung ano ang ipinagkakatiwala sa Kanya ng Diyos Ama, mula sa perspektiba ng katawang-tao. Isang bagay ito na hindi maaaring matamo ng tao. Ang nanggagaling kay Satanas ay hindi maaaring magkaroon ng diwa ng Diyos; maaari lamang itong magkaroon ng diwang naghihimagsik at lumalaban sa Diyos. Hindi ito ganap na makapagpapasakop sa Diyos, lalo nang hindi ito kusang-loob na makapagpapasakop sa kalooban ng Diyos. Ang lahat ng tao maliban kay Cristo ay maaaring gawin iyong lumalaban sa Diyos, at wala ni isang tao ang tuwirang makagagawa sa gawaing ipinagkatiwala ng Diyos; wala ni isa ang magagawang ituring ang pamamahala ng Diyos bilang sarili niyang tungkuling gagampanan. Pagpapasakop sa kalooban ng Diyos Ama ang diwa ni Cristo; paghihimagsik laban sa Diyos naman ang katangian ni Satanas. Hindi magkaayon ang dalawang katangiang ito, at hindi matatawag na Cristo ang sinumang may mga katangian ni Satanas. Ang dahilan kaya hindi magagawa ng tao ang gawain ng Diyos bilang kahalili Niya ay dahil walang anumang diwa ng Diyos ang tao. Gumagawa ang tao para sa Diyos alang-alang sa mga pansariling interes at oportunidad sa kinabukasan ng tao, ngunit gumagawa si Cristo upang sumunod sa kalooban ng Diyos Ama.
Ang pagkatao ni Cristo ay pinamamahalaan ng Kanyang pagka-Diyos. Bagama’t nasa katawang-tao Siya, hindi lubusang katulad ng sa isang taong gawa sa laman ang Kanyang pagkatao. Mayroon Siyang sarili Niyang namumukod-tanging personalidad, at pinamamahalaan din ito ng pagka-Diyos Niya. Walang kahinaan ang pagka-Diyos Niya; ang kahinaan ni Cristo ay tumutukoy sa Kanyang pagkatao. Sa isang antas, napipigil ng kahinaang ito ang pagka-Diyos Niya, ngunit nakapaloob sa isang tiyak na saklaw at oras ang gayong mga limitasyon, at hindi walang hangganan. Pagdating ng oras upang isakatuparan ang gawain ng Kanyang pagka-Diyos, ginagawa ito nang hindi alintana ang pagkatao Niya. Ang pagkatao ni Cristo ay ganap na pinapatnubayan ng Kanyang pagka-Diyos. Bukod sa normal na buhay ng pagkatao Niya, ang lahat ng iba pang mga kilos ng Kanyang pagkatao ay naiimpluwensyahan, naaapektuhan, at napapatnubayan ng pagka-Diyos Niya. Bagama’t may pagkatao si Cristo, hindi ito nakakagulo sa gawain ng pagka-Diyos Niya, at ito ay mismong dahil pinapatnubayan ng pagka-Diyos ni Cristo ang Kanyang pagkatao; bagama’t wala pa sa gulang ang pagkatao Niya pagdating sa mga makamundong pakikitungo, hindi ito nakaaapekto sa normal na gawain ng pagka-Diyos Niya. Kapag sinasabi Kong hindi pa nagawang tiwali ang Kanyang pagkatao, ang ibig Kong sabihin ay direktang mapapatnubayan ng pagka-Diyos ni Cristo ang Kanyang pagkatao, at ito ay nagtataglay ng mas higit na katwiran kaysa sa taglay ng ordinaryong tao. Pinakanababagay ang pagkatao Niya na mapatnubayan ng pagka-Diyos sa Kanyang gawain; ang pagkatao Niya ay magagawa nang higit sa lahat na magpahayag ng gawain ng pagka-Diyos, at magagawa nang higit sa lahat na magpasakop sa ganoong gawain. Habang gumagawa ang Diyos sa katawang-tao, hindi Niya kailanman napapabayaan ang tungkuling dapat gampanan ng isang tao sa laman; nagagawa Niyang sambahin ang Diyos sa langit nang may tunay na puso. May diwa Siya ng Diyos, at ang pagkakakilanlan Niya ay ang sa Diyos Mismo. Nangyari lamang na pumarito Siya sa lupa at naging isang nilikha, na may panlabas na balat ng isang nilikha, at nagtataglay ngayon ng pagkataong hindi Niya dating taglay. Nagagawa Niyang sambahin ang Diyos sa langit; ito ang pagiging Diyos ng Diyos Mismo at hindi ito mapaparisan ng tao. Ang pagkakakilanlan Niya ay Diyos Mismo. Sumasamba Siya sa Diyos mula sa perspektiba ng katawang-tao; samakatwid, ang mga salitang “Sumasamba si Cristo sa Diyos sa langit” ay hindi mali. Ang hinihingi Niya sa mga tao ay ang mismong pagiging Diyos Niya; natamo na Niya ang lahat ng Kanyang hinihingi sa mga tao bago pa Niya hingin sa kanila ang mga iyon. Hindi Siya kailanman hihingi sa iba samantalang Siya Mismo ay malaya mula sa mga ito, dahil ang lahat ng ito ay bumubuo sa Kanyang pagiging Diyos. Paano man Niya isinasakatuparan ang Kanyang gawain, hindi Siya kikilos sa paraang naghihimagsik laban sa Diyos. Anupaman ang hingin Niya sa tao, walang hiling na lalagpas sa kayang matamo ng tao. Ang tanging ginagawa Niya ay yaong sumusunod sa kalooban ng Diyos at alang-alang sa Kanyang pamamahala. Higit sa lahat ng tao ang pagka-Diyos ni Cristo; samakatwid, Siya ang pinakamataas na awtoridad ng lahat ng nilikha. Ang awtoridad na ito ang pagka-Diyos Niya, na ibig sabihin, ang disposisyon at pagiging Diyos ng Diyos Mismo, na tumutukoy sa Kanyang pagkakakilanlan. Samakatwid, gaano man kanormal ang pagkatao Niya, hindi maikakaila na taglay Niya ang pagkakakilanlan ng Diyos Mismo; sa kung anumang pananaw Siya nagsasalita at paano man Siya nagpapasakop sa kalooban ng Diyos, hindi maaaring sabihin na hindi Siya ang Diyos Mismo. Malimit na itinuturing ng mga taong hangal at mangmang na isang kapintasan ang normal na pagkatao ni Cristo. Paano man Niya ipinapahayag at ibinubunyag ang pagiging Diyos ng Kanyang pagka-Diyos, hindi magawa ng tao na kilalanin na Siya ay si Cristo. At habang mas ipinakikita ni Cristo ang pagpapasakop at pagpapakumbaba Niya, lalong hindi sineseryoso ng mga hangal na tao si Cristo. Mayroon pa ngang mga nagkakaroon ng saloobin na ibukod at hamakin Siya, subalit inilalagay sa hapag upang sambahin yaong mga “dakilang tao” na may matatayog na imahe. Ang paglaban at paghihimagsik ng tao sa Diyos ay nagmumula sa katunayan na ang diwa ng Diyos na nagkatawang-tao ay pagpapasakop sa kalooban ng Diyos, at mula rin sa normal na pagkatao ni Cristo; ito ang pinagmumulan ng paglaban at paghihimagsik ng tao sa Diyos. Kung si Cristo ay walang anyo ng Kanyang pagkatao at hindi Niya hinangad ang kalooban ng Diyos Ama mula sa perspektiba ng isang nilikha, kundi sa halip ay nagtaglay ng isang sukdulang pagkatao, malamang na malamang ay walang magiging paghihimagsik sa hanay ng tao. Ang dahilan kung bakit laging nakahanda ang tao na maniwala sa isang hindi nakikitang Diyos sa langit ay dahil walang pagkatao ang Diyos sa langit, at hindi rin Siya nagtataglay ng kahit isang katangian ng isang nilikha. Samakatwid, palagi Siyang tinitingnan ng tao nang may pinakamataas na pagpapahalaga, ngunit may tinataglay itong saloobin ng paghamak kay Cristo.
Bagama’t nagagawa ni Cristo sa lupa na gumawa sa ngalan ng Diyos Mismo, hindi Siya pumaparito na may layuning ipakita sa lahat ng tao ang wangis Niya sa katawang-tao. Hindi Siya pumaparito upang makita Siya ng lahat ng tao; pumaparito Siya upang pahintulutan ang tao na maakay ng kamay Niya, at sa gayon ay makapasok ang tao sa bagong kapanahunan. Ang katungkulan ng katawang-tao ni Cristo ay para sa gawain ng Diyos Mismo, na ibig sabihin, para sa gawain ng Diyos sa katawang-tao, at hindi upang bigyang-kakayahan ang tao na lubusang maunawaan ang diwa ng katawang-tao Niya. Paano man Siya gumagawa, wala sa ginagawa Niya ang lumalampas sa matatamo ng katawang-tao. Paano man Siya gumagawa, ginagawa Niya ito sa katawang-tao na may normal na pagkatao, at hindi Niya lubos na ibinubunyag sa tao ang totoong mukha ng Diyos. Dagdag pa rito, ang gawain Niya sa katawang-tao ay hindi kailanman kahima-himala o hindi matataya tulad ng maiisip ng tao. Bagama’t kinakatawan ni Cristo ang Diyos Mismo sa katawang-tao at isinasakatuparan mismo ang gawain na dapat gawin ng Diyos Mismo, hindi Niya ikinakaila ang pag-iral ng Diyos sa langit, ni ipinahahayag nang may pagpapasikat ang sarili Niyang mga gawa. Sa halip, nananatili Siyang nakatago, mapagpakumbaba, nasa loob ng Kanyang katawang-tao. Bukod kay Cristo, yaong mga huwad na umaangking sila ay cristo ay hindi nagtataglay ng Kanyang mga katangian. Kapag inihambing sa mayabang at mapagtaas sa sarili na disposisyon ng mga huwad na cristong iyon, nagiging malinaw kung anong uring katawang-tao ang tunay na Cristo. Habang mas huwad sila, mas ipinagpaparangya ng mga ganitong huwad na cristo ang mga sarili nila, at mas may kakayahan silang gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan upang ilihis ang tao. Walang mga katangian ng Diyos ang mga huwad na cristo; hindi nadudungisan si Cristo ng kahit anong sangkap na pagmamay-ari ng mga huwad na cristo. Nagkakatawang-tao lamang ang Diyos upang tapusin ang gawain ng katawang-tao, hindi para lamang pahintulutang makita Siya ng tao. Sa halip, hinahayaan Niyang ang gawain Niya ang magpatunay ng Kanyang pagkakakilanlan, at hinahayaan yaong ibinubunyag Niya ang magpatunay sa Kanyang diwa. Mayroong batayan ang diwa Niya; hindi kinamkam ng Kanyang kamay ang pagkakakilanlan Niya; tinutukoy ito sa pamamagitan ng Kanyang gawain at Kanyang diwa. Bagama’t may diwa Siya ng Diyos Mismo at may kakayahang gawin ang gawain ng Diyos Mismo, sa dakong huli, Siya ay katawang-tao pa rin, hindi katulad ng Espiritu. Hindi Siya Diyos na may mga katangian ng Espiritu; Siya ay Diyos na may balat ng katawang-tao. Samakatwid, gaano man Siya kanormal at gaano man Siya kahina, at paano man Niya hinahangad ang kalooban ng Diyos Ama, hindi maikakaila ang pagka-Diyos Niya. Umiiral sa loob ng nagkatawang-taong Diyos hindi lamang ang isang normal na pagkatao at ang mga kahinaan nito; umiiral din ang pagiging kahanga-hanga at pagiging di-maarok ng pagka-Diyos Niya, pati na rin ang lahat ng gawa Niya sa katawang-tao. Samakatwid, kapwa tunay na umiiral ang pagkatao at pagka-Diyos sa loob ni Cristo, at hindi hungkag o kahima-himala kahit kaunti. Dumarating Siya sa lupa na may pangunahing layunin na magsakatuparan ng gawain; kinakailangang magtaglay ng isang normal na pagkatao upang maisakatuparan ang gawain sa lupa; kung hindi, gaano man kadakila ang kapangyarihan ng pagka-Diyos Niya, hindi mailalagay sa mabuting paggagamitan ang orihinal na tungkulin nito. Bagama’t napakahalaga ng Kanyang pagkatao, hindi ito ang Kanyang diwa. Ang pagka-Diyos ang diwa Niya; samakatwid, ang sandaling magsisimula na Siyang gampanan ang ministeryo Niya sa lupa ay ang sandaling magsisimula na Siyang ipahayag ang pagiging Diyos ng Kanyang pagka-Diyos. Umiiral ang pagkatao Niya para lamang mapanatili ang normal na buhay ng Kanyang katawang-tao upang normal na maisakatuparan ng Kanyang pagka-Diyos sa katawang-tao ang gawain; ang pagka-Diyos ang lubos na nagpapatnubay sa gawain Niya. Kapag natapos na Niya ang Kanyang gawain, natupad na Niya ang Kanyang ministeryo. Ang dapat malaman ng tao ay ang kabuuan ng Kanyang gawain, at sa pamamagitan ng gawain Niya na nabibigyang-daan Niya ang tao na makilala Siya. Sa buong takbo ng Kanyang gawain, lubusan Niyang ipinapahayag ang pagiging Diyos ng Kanyang pagka-Diyos—nang hindi nahahaluan ng disposisyon ng pagkatao, o nahahaluan ng kaisipan at pangingialam ng tao. Kapag dumating na ang oras na ang lahat ng ministeryo Niya ay nagwakas na, perpekto at ganap na Niyang naipahayag ang disposisyong dapat Niyang ipahayag. Hindi ginagabayan ng tagubilin ng sinumang tao ang Kanyang gawain; ang pagpapahayag ng disposisyon Niya ay ganap na malaya rin, at hindi kinokontrol ng isip o pinoproseso ng kaisipan, kundi likas na ibinubunyag. Isang bagay ito na walang tao ang makapagtatamo. Kahit pa malupit ang kapaligiran o hindi kanais-nais ang mga kalagayan, nagagawa Niyang ipahayag ang Kanyang disposisyon sa naaangkop na oras. Ang Isang si Cristo ay ipinapahayag ang pagiging Diyos ni Cristo, samantalang yaong mga hindi ay hindi nagtataglay ng disposisyon ni Cristo. Samakatwid, kahit na nilalabanan Siya ng lahat o may mga kuru-kuro sila sa Kanya, walang makapagkakaila batay sa mga kuru-kuro ng tao na ang disposisyong ipinapahayag ni Cristo ay ang sa Diyos. Ang lahat ng yaong mga naghahangad kay Cristo nang may tunay na puso o sadyang naghahanap sa Diyos ay aamining Siya ay si Cristo batay sa pagpapahayag ng pagka-Diyos Niya. Hindi nila kailanman ipagkakaila si Cristo sa batayan ng anumang aspekto Niyang hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Bagama’t napakahangal ng tao, alam ng lahat kung ano mismo ang umuusbong mula sa kalooban ng tao at kung ano ang nagmumula sa Diyos. Nangyayari lamang na maraming tao ang sinasadyang labanan si Cristo bilang bunga ng sarili nilang mga pakay. Kung hindi dahil dito, wala kahit isang tao ang magkakaroon ng dahilang ikaila ang pag-iral ni Cristo, dahil totoong umiiral ang pagka-Diyos na ipinahayag ni Cristo, at maaaring masaksihan ang gawain Niya ng mata lamang.
Ang gawain at pagpapahayag ni Cristo ang tumutukoy sa Kanyang diwa. Nagagawa Niyang kumpletuhin nang may tunay na puso yaong ipinagkatiwala sa Kanya. Nagagawa Niyang sambahin nang may tunay na puso ang Diyos sa langit, at hangarin ang kalooban ng Diyos Ama nang may tunay na puso. Natutukoy ang lahat ng ito ng diwa Niya. At gayundin natutukoy ng Kanyang diwa ang likas na paghahayag Niya; ang dahilan kaya tinatawag Ko itong ang “likas na paghahayag” Niya ay dahil ang pagpapahayag Niya ay hindi panggagaya, o bunga ng pinag-aralan ng tao, o bunga ng maraming taong paglilinang ng tao. Hindi Niya ito natutuhan o iginayak sa sarili Niya; sa halip, likas ito sa loob Niya. Maaaring ikaila ng tao ang Kanyang gawain, ang Kanyang pagpapahayag, ang Kanyang pagkatao, at ang buong buhay ng Kanyang normal na pagkatao, ngunit walang makapagkakailang sinasamba Niya ang Diyos sa langit nang may tunay na puso; walang makapagkakailang pumarito Siya upang tuparin ang kalooban ng Ama sa langit, at walang makapagkakaila sa kasigasigan ng paghahanap Niya sa Diyos Ama. Bagama’t hindi kaaya-aya sa mga pandama ang Kanyang wangis, hindi nagtataglay ng pambihirang awra ang pagtatalakay Niya, at hindi kasingnakagugunaw ng mundo o nakayayanig ng langit ang gawain Niya na tulad ng inaakala ng tao, Siya talaga si Cristo, na tumutupad nang may tunay na puso sa kalooban ng Ama sa langit, ganap na nagpapasakop sa Ama sa langit, at mapagpasakop hanggang sa kamatayan. Ito ay sapagkat ang diwa Niya ay ang diwa ni Cristo. Mahirap para sa tao na paniwalaan ang katotohanang ito, ngunit ito ay katunayan. Kapag ganap nang natupad ang ministeryo ni Cristo, magagawang makita ng tao mula sa gawain Niya na ang Kanyang disposisyon at pagiging Diyos ay kumakatawan sa disposisyon at pagiging Diyos ng Diyos sa langit. Sa oras na iyon, sa pamamagitan ng pagbubuod ng Kanyang buong gawain, makukumpirma ng tao na Siya talaga ang katawang-taong nagmula sa Salita, at hindi katulad ng taong gawa sa laman at dugo. Bawat hakbang ng gawain ni Cristo sa lupa ay may kinakatawang kabuluhan, ngunit ang tao na nakararanas sa kasalukuyang gawain ng bawat hakbang ay hindi magagawang makita nang malinaw ang kabuluhan ng gawain Niya. Lalo nang ganito sa ilang hakbang ng gawaing isinasakatuparan ng Diyos sa ikalawang pagkakatawang-tao Niya. Karamihan sa yaong mga nakarinig o nakakita lamang sa mga salita ni Cristo subalit hindi pa Siya kailanman nakita ay walang mga kuru-kuro sa gawain Niya; yaong mga nakakita na kay Cristo at nakarinig na sa mga salita Niya, gayundin ang nakaranas na ng gawain Niya, ay nahihirapang tanggapin ang Kanyang gawain. Hindi ba’t ito ay dahil hindi ayon sa panlasa ng tao ang kaanyuan at ang normal na pagkatao ni Cristo? Yaong mga tumatanggap sa gawain Niya pagkaraang umalis ni Cristo ay hindi magkakaroon ng ganoong mga paghihirap, dahil tinatanggap lamang nila ang gawain Niya at hindi sila nakikipag-ugnayan sa normal na pagkatao ni Cristo. Hindi kayang bitiwan ng tao ang mga kuru-kuro nito sa Diyos at sa halip ay marubdob Siyang sinisiyasat; dahil ito sa katunayang nakatuon lamang ang tao sa kaanyuan Niya at hindi nito makilala ang diwa Niya batay sa Kanyang gawain at mga salita. Kung ipipikit ng tao ang mga mata nito sa kaanyuan ni Cristo o iiwasang talakayin ang pagkatao ni Cristo, at magsasalita lamang tungkol sa pagka-Diyos Niya, na ang gawain at mga salita ay hindi matatamo ng kahit sinumang tao, mangangalahati ang mga kuru-kuro ng tao, maging hanggang sa puntong malulutas ang lahat ng paghihirap ng tao. Sa panahon ng gawain ng nagkatawang-taong Diyos, hindi makapagparaya sa Kanya ang tao at puno ito ng maraming kuru-kuro tungkol sa Kanya, at pangkaraniwan ang mga pagkakataon ng paglaban at paghihimagsik. Hindi kaya ng tao na magparaya sa pag-iral ng Diyos, magpakita ng kaluwagan sa kababaang-loob at pagiging tago ni Cristo, o magpatawad sa diwa ni Cristo na pagpapasakop sa Ama sa langit. Samakatwid, hindi Siya maaaring manatili kasama ng tao hanggang sa kawalang-hanggan pagkaraan Niyang matapos ang gawain Niya, dahil ayaw ng tao na pahintulutan Siya na mamuhay sa tabi nito. Kung hindi kaya ng tao na magpakita ng kaluwagan sa Kanya sa panahon ng gawain Niya, paano nito magagawang magparaya na mamuhay Siya sa tabi nito pagkaraan Niyang matupad ang Kanyang ministeryo, habang pinagmamasdan Niya ito na unti-unting nararanasan ang Kanyang mga salita? Hindi ba’t kung magkagayon ay marami ang mahuhulog nang dahil sa Kanya? Pinahihintulutan lamang Siya ng tao na gumawa sa lupa; ito na ang pinakamalayong naaabot ng kaluwagan ng tao. Kung hindi dahil sa gawain Niya, matagal na Siyang pinalayas ng tao mula sa lupa, kaya lalo nang gaano pa kakaunti ang ipakikita nitong kaluwagan sa sandaling matapos na ang gawain Niya? Kung magkagayon, hindi ba’t papatayin Siya ng tao at pahihirapan Siya hanggang sa mamatay? Kung hindi Siya tinawag na Cristo, hindi Siya maaaring gumawa sa gitna ng sangkatauhan; kung hindi Siya gumawa nang may pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, at sa halip ay gumawa lamang bilang isang normal na tao, hindi pagpaparayaan ng tao ang pagbigkas Niya ng kahit isang pangungusap, lalong hindi pagpaparayaan ang ni katiting na gawain Niya. Kaya maaari lamang Niyang dalhin ang pagkakakilanlang ito kasama Niya sa Kanyang gawain. Sa ganitong paraan, mas makapangyarihan ang gawain Niya kaysa sa kung hindi Niya ito ginawa, dahil handa ang lahat ng tao na magpasakop sa katayuan at prestihiyosong pagkakakilanlan. Kung hindi Niya dala-dala ang pagkakakilanlan ng Diyos Mismo habang gumagawa Siya o hindi Siya nagpakita bilang ang Diyos Mismo, hindi man lamang Siya magkakaroon ng pagkakataong gumawa. Sa kabila ng katunayang may diwa Siya ng Diyos at pagiging Diyos ni Cristo, hindi magluluwag ang tao at pahihintulutan Siyang malayang isakatuparan ang gawain sa gitna ng sangkatauhan. Dala-dala Niya sa Kanyang gawain ang pagkakakilanlan ng Diyos Mismo; bagama’t dose-dosenang ulit na mas makapangyarihan ang ganoong gawain kaysa sa ginawa nang walang ganoong pagkakakilanlan, hindi pa rin lubusang mapagpasakop ang tao sa Kanya, dahil nagpapasakop lamang ang tao sa Kanyang katayuan at hindi sa Kanyang diwa. Kung gayon, kapag marahil isang araw ay bumaba si Cristo mula sa kinatatayuan Niya, mapahihintulutan ba Siya ng tao na manatiling buhay nang kahit isang araw? Handang mamuhay ang Diyos sa lupa kasama ang tao upang makita Niya ang mga bungang idudulot ng gawain ng kamay Niya sa susunod na mga taon. Gayunman, hindi magawa ng tao na mapagparayaan ang presensya Niya kahit isang araw man lamang, kaya ang magagawa lamang Niya ay ang sumuko. Ang pinakamalayo nang maaabot ng kaluwagan at paggalang ng tao ay ang pahintulutan ang Diyos na gawin sa gitna ng tao ang gawaing dapat Niyang gawin at na tuparin ang ministeryo Niya. Bagama’t yaong mga personal na Niyang nalupig ay nagpapakita sa Kanya ng ganoong paggalang, pinahihintulutan pa rin nila Siyang manatili lamang hanggang sa matapos ang gawain Niya, at hindi na ni isa pang sandali pagkatapos nito. Kung ganito, paano na yaong mga hindi pa Niya nalulupig? Hindi ba’t ang dahilan kung kaya’t tinatrato ng tao ang Diyos na nagkatawang-tao sa ganitong paraan ay sapagkat Siya si Cristong may panlabas na balat ng normal na pagkatao? Kung mayroon lamang Siyang pagka-Diyos at hindi isang normal na pagkatao, hindi ba’t pinakamadaling malulutas ang mga paghihirap ng tao? Mabigat sa loob na kinikilala ng tao ang pagka-Diyos Niya at hindi nagpapakita ng interes sa panlabas na balat Niya ng normal na pagkatao, sa kabila ng katunayang ang diwa Niya ay ganap na tulad ng kay Cristo na pagpapasakop sa kalooban ng Ama sa langit. Yamang ganoon, maaari lamang Niyang ikansela ang gawain Niya ng pagiging kasama ng tao upang makibahagi sa tao ng kapwa mga kagalakan at mga kalungkutan, dahil hindi na mapagpaparayaan pa ng tao ang pag-iral Niya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos