e. Paano mapag-iiba ang gawain ng banal na Espiritu sa gawain ng masasamang espiritu
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa tao? Paano gumagawa si Satanas sa tao? Paano gumagawa ang masasamang espiritu sa tao? Anu-ano ang mga pagpapamalas? Kapag may nangyayari sa iyo, ito ba ay nagmumula sa Banal na Espiritu, at dapat mo ba itong sundin o tanggihan? Sa aktwal na pagsasagawa ng mga tao, maraming lumilitaw mula sa kalooban ng tao na palaging pinaniniwalaan ng mga tao na nagmumula sa Banal na Espiritu. Ang ilang bagay ay mula sa masasamang espiritu, ngunit iniisip pa rin ng mga tao na ang mga ito ay nagmula sa Banal na Espiritu, at may mga pagkakataon na ginagabayan ang mga tao ng Banal na Espiritu mula sa loob, ngunit natatakot ang mga tao na ang gayong paggabay ay nagmumula kay Satanas, kaya’t hindi sila nangangahas na sumunod, samantalang sa realidad ang paggabay na iyon ay ang pagliliwanag ng Banal na Espiritu. Kaya, maliban na lang kung titingnan ng isang tao ang pagkakaiba, walang paraan na makaranas sa kanyang praktikal na karanasan; kung hindi titingnan ang pagkakaiba, walang paraan ng pagkakamit ng buhay. Paano gumagawa ang Banal na Espiritu? Paano gumagawa ang masasamang espiritu? Ano ang galing sa kalooban ng tao? At ano ang galing sa paggabay at kaliwanagan ng Banal na Espiritu? Kung nauunawaan mo ang mga pagpaparisan ng paggawa ng Banal na Espiritu sa loob ng tao, magagawa mong palaguin ang iyong kaalaman at makikita ang mga pagkakaiba sa iyong pang-araw-araw na buhay at sa panahon ng iyong praktikal na mga karanasan; makikilala mo ang Diyos, magagawa mong maunawaan at mahiwatigan si Satanas; hindi ka malilito sa iyong pagsunod o paghahabol, at ikaw ay magiging isang tao na ang mga iniisip ay malinaw, at siyang sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu.
Ang gawain ng Banal na Espiritu ay isang uri ng maagap na paggabay at positibong kaliwanagan. Hindi nito pinahihintulutan ang mga tao na maging pasibo. Sila ay dinudulutan nito ng kaaliwan, binibigyan sila ng pananampalataya at katatagan, at binibigyang-kakayahan sila na hangaring na gawing perpekto ng Diyos. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu, nagagawa ng mga tao na aktibong pumasok; hindi sila pasibo o napipilitan, kundi kumikilos nang may sariling pagkukusa. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa, ang mga tao ay nagagalak at handa, nakahandang sumunod at masaya sa pagpapakumbaba. Bagama’t sila ay nasasaktan at marupok sa loob, mayroon silang katatagan na makipagtulungan, nagdurusa sila nang may kagalakan, nagagawa nilang sumunod, at sila ay walang bahid ng kalooban ng tao, walang bahid ng pag-iisip ng tao, at tiyak na walang bahid ng mga pagnanasa at mga motibasyon ng tao. Kapag nararanasan ng mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, sila ay lalo nang banal sa loob. Isinasabuhay niyaong mga nagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu ang pag-ibig ng Diyos at ang pag-ibig ng kanilang mga kapatid; nagagalak sila sa mga bagay na ikinagagalak ng Diyos, at kinasusuklaman ang mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Ang mga taong inaantig ng gawain ng Banal na Espiritu ay mayroong normal na pagkatao, at patuloy silang naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng pagkatao. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa loob ng mga tao, ang kanilang kalagayan ay pabuti nang pabuti, at ang kanilang pagkatao ay lalong nagiging normal, at bagama’t ang ilan sa kanilang pakikipagtulungan ay maaaring hangal, ang kanilang mga motibasyon ay tama, ang kanilang pagpasok ay positibo, hindi nila tinatangkang makagambala, at walang masamang pag-iisip sa loob nila. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay normal at tunay, ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa tao alinsunod sa mga tuntunin ng normal na buhay ng tao, at nagsasakatuparan Siya ng kaliwanagan at paggabay sa loob ng mga tao alinsunod sa aktwal na paghahangad ng normal na mga tao. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa mga tao, ginagabayan at nililiwanagan Niya sila alinsunod sa mga pangangailangan ng normal na mga tao. Nagkakaloob Siya para sa kanila ayon sa kanilang mga pangangailangan, at positibo Niyang ginagabayan at nililiwanagan sila ayon sa kung ano ang wala sa kanila, at ayon sa kanilang mga kakulangan. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay ang liwanagan at gabayan ang mga tao sa tunay na buhay; kapag nararanasan lamang nila ang mga salita ng Diyos sa kanilang aktwal na buhay saka nila nagagawang makita ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung, sa kanilang pang-araw-araw na mga buhay, ang mga tao ay nasa isang positibong kalagayan at mayroong normal na espirituwal na buhay, tinataglay nila ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa gayong kalagayan, kapag kinakain nila at iniinom ang mga salita ng Diyos, mayroon silang pananampalataya; kapag sila ay nananalangin, sila ay inspirado; kapag mayroong nangyayari sa kanila, sila ay hindi pasibo; at habang nangyayari ang mga bagay-bagay, nagagawa nilang makita ang mga aral sa mga bagay na iyon na hinihingi sa kanila ng Diyos na matutuhan. Sila ay hindi pasibo o mahina, at bagama’t mayroon silang mga tunay na paghihirap, nakahanda silang sundin ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos.
…………
Anong gawain ang nagmumula kay Satanas? Sa gawain na nagmumula kay Satanas, ang mga pangitain sa loob ng mga tao ay malabo; ang mga tao ay walang normal na pagkatao, ang mga motibasyon sa likod ng kanilang mga pagkilos ay mali, at bagama’t nais nilang ibigin ang Diyos, palaging mayroong mga pagbibintang sa loob nila, at ang mga pagbibintang at mga saloobing ito ay nagsasanhi ng patuloy na panggugulo sa loob nila, pinipigilan ang paglago ng kanilang buhay at pinahihinto sila sa pagharap sa Diyos sa normal na kalagayan. Na ang ibig sabihin, sa sandaling ang gawain ni Satanas ay nasa loob ng mga tao, ang kanilang mga puso ay hindi kayang maging panatag sa harap ng Diyos. Hindi alam ng gayong mga tao kung ano ang gagawin sa kanilang mga sarili—kapag nakakakita sila ng mga taong sama-samang nagtitipon, nais nilang tumakbo palayo, at hindi nila nagagawang ipikit ang kanilang mga mata kapag nananalangin ang iba. Sinisira ng gawain ng masasamang espiritu ang normal na ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos, at ginugulo ang dating mga pangitain ng mga tao o ang kanilang dating landas ng pagpasok sa buhay; sa kanilang mga puso hindi nila kailanman kayang mapalapit sa Diyos, at palaging nangyayari ang mga bagay-bagay na nagdudulot ng panggugulo sa kanila at gumagapos sa kanila. Ang kanilang mga puso ay hindi kayang makasumpong ng kapayapaan at sila’y iniiwan na walang lakas na ibigin ang Diyos at ang kanilang mga espiritu’y lumulubog. Ganoon ang mga pagpapamalas ng gawain ni Satanas. Ang mga pagpapamalas ng gawain ni Satanas ay ang mga sumusunod: hindi kayang manindigan at tumayong saksi, na nagiging sanhi upang ikaw ay maging isang tao na may mali sa harap ng Diyos at yaong walang katapatan sa Diyos. Kapag ginugulo ka ni Satanas, naiwawala mo ang pag-ibig at katapatan sa Diyos sa loob mo, ikaw ay tinatanggalan ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, hindi mo hinahangad ang katotohanan o ang pag-unlad ng sarili mo; ikaw ay umuurong at nagiging pasibo, nagpapasasa ka, hinahayaan mo ang malayang paglaganap ng kasalanan at hindi namumuhi sa kasalanan; higit pa roon, ginagawa kang napakasama ng panghihimasok ni Satanas; nagiging sanhi ito upang ang pag-antig ng Diyos ay maglaho sa loob mo at itinutulak ka nitong magreklamo tungkol sa Diyos at kalabanin Siya, na umaakay sa iyong mag-alinlangan sa Diyos; mayroon pang panganib na tatalikuran mo ang Diyos. Ang lahat ng ito ay nagmumula kay Satanas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Banal na Espiritu at ang Gawain ni Satanas
Ang gawain ng Banal na Espiritu sa tao ay natatanging normal; ang tao ay walang kakayahan na madama ito, at tila nakikita sa pamamagitan ng tao mismo, bagaman ito sa katunayan ay gawain ng Banal na Espiritu. Sa pang-araw-araw na buhay, ang Banal na Espiritu ay gumagawa kapwa ng malaki at ng maliit na gawain sa bawat isa, at ang lawak lamang ng gawaing ito ang nagkakaiba. Ang ilang tao ay may mahusay na kakayahan, at nauunawaan nila ang mga bagay-bagay nang mabilis, at ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay talagang matindi sa loob nila. Samantala, ang ilang tao ay may mahinang kakayahan, at mas matagal bago nila maunawaan ang mga bagay-bagay, ngunit inaantig sila ng Banal na Espiritu sa loob at nagagawa rin nila na maging tapat sa Diyos—ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa lahat ng taong naghahangad sa Diyos. Kapag, sa pang-araw-araw na buhay, hindi kinakalaban ng mga tao ang Diyos o naghihimagsik laban sa Diyos, hindi gumagawa ng mga bagay na gumagambala sa pamamahala ng Diyos at hindi gumugulo sa gawain ng Diyos, sa bawat isa sa kanila ang Espiritu ng Diyos ay gumagawa sa mas malaki o mas maliit na saklaw; inaantig Niya sila, nililiwanagan sila, binibigyan sila ng pananampalataya, binibigyan sila ng lakas, at pinakikilos sila upang mas maagap na pumasok, hindi maging tamad o mag-imbot sa mga kasiyahan ng laman, maging handang magsagawa ng katotohanan, at nananabik para sa mga salita ng Diyos. Lahat ng ito ay gawain na nagmumula sa Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Banal na Espiritu at ang Gawain ni Satanas
Lahat ng gawain ng Banal na Espiritu ay karaniwan at tunay. Kapag ikaw ay nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nagdarasal, maningning at matatag ka sa loob mo, at hindi ka kayang guluhin ng panlabas na mundo; sa loob mo, handa kang mahalin ang Diyos, handa kang makisangkot sa mga positibong bagay, at kinamumuhian mo ang masamang mundo. Ito ang pamumuhay sa piling ng Diyos. Hindi ito tulad ng sinasabi ng mga tao na pagdanas ng malaking kaligayahan—hindi praktikal ang gayong pananalita. Ngayon, nagsisimula dapat ang lahat sa realidad. Tunay ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at dapat mong pagtuunan ng pansin ang tunay na pagkilala sa Diyos sa iyong mga karanasan, at ang paghahanap sa mga bakas ng gawain ng Diyos at ang mga paraan kung paano inaantig at nililiwanagan ng Banal na Espiritu ang mga tao. Kung kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos, at nagdarasal, at nakikipagtulungan ka sa mas totoong paraan, isinasaloob kung ano ang mabuti mula sa mga panahong nagdaan, at tinatanggihan kung ano ang masama tulad ni Pedro, kung nakikinig ka gamit ang iyong mga tainga at nagmamasid gamit ang iyong mga mata, at madalas na nagdarasal at nagninilay sa iyong puso, at ginagawa ang lahat ng makakaya mo upang makipagtulungan sa gawain ng Diyos, tiyak na gagabayan ka ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Makikilala ang Realidad
Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu para liwanagan ang mga tao, karaniwa’y binibigyan Niya sila ng kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, at sa kanilang tunay na pagpasok at tunay na kalagayan. Tinutulutan din Niya silang maunawaan ang apurahang mga layunin ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi sa tao ngayon, para magpasiya silang isakripisyo ang lahat para mapalugod ang Diyos, mahalin ang Diyos kahit makatagpo sila ng pag-uusig at kahirapan, at tumayong saksi para sa Diyos kahit mangahulugan ito ng pagpapadanak ng kanilang dugo o pagbubuwis ng kanilang buhay, at gawin iyon nang walang pagsisisi. Kung mayroon kang ganitong uri ng pagpapasiya, ibig sabihi’y mayroon kang mga pagpukaw at gawain ng Banal na Espiritu—ngunit dapat mong malaman na wala ka ng gayong mga pagpukaw sa bawat sandali. Kung minsan sa mga pulong kapag nagdarasal at kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, madarama mo na lubha kang naantig at nagkainspirasyon. Bagung-bago at sariwa ang pakiramdam kapag ang iba ay nagbabahagi nang kaunti ng kanilang karanasan at pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, at ang puso mo ay lubos na malinaw at maliwanag. Lahat ng ito ay gawain ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay isang lider at binibigyan ka ng Banal na Espiritu ng pambihirang kaliwanagan at pagtanglaw kapag nagpupunta ka sa iglesia para gumawa, binibigyan ka ng kabatiran sa mga problemang umiiral sa loob ng iglesia, tinutulutan kang malaman kung paano magbahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga ito, ginagawa kang lubhang masigasig, responsable at seryoso sa iyong gawain, lahat ng ito ay gawain ng Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 1
Ang paraan kung saan higit na nakakatulong ang gawain ng Banal na Espiritu sa mga tao ay sa pamamagitan ng pagtutulot sa kanila na maunawaan ang maraming katotohanan, at maunawaan ang ilang kalooban ng Diyos, pagpapatigil sa kanila sa pagkilos laban sa kalooban ng Diyos, at pagtutulak sa kanila na tumahak sa tamang direksyon, at hindi maligaw mula sa tamang landas. Ano ang layunin ng gawain ng Banal na Espiritu na liwanagan ang mga tao? Kung minsan, ginagampanan nito ang tungkuling gabayan ang mga tao; kung minsan, nagsisilbi ito upang paalalahanan ka. Kapag malapit ka nang maligaw, nagsisilbi itong isang paalala, upang magkaroon ka ng kaunting katinuan; kung minsan, tinatanglawan ka nito at tinutulungang maunawaan ang katotohanan, at binibigyan ka ng landas upang magsagawa. Kapag nalilihis ka na sa sarili mong landas, sinusuportahan at tinutulungan ka Niya na parang isang tungkod, na inaakay ka patungo sa tamang landas at ginagabayan ka. Anumang liwanag at pagpapaunawa ang ginagawa ng Banal na Espiritu para liwanagan ang mga tao, o nagkakaiba-iba man ito dahil sa kanilang personal na pinagmulan, walang anumang paglabag, o pagsalungat, sa katotohanan kailanman. Kung ganoon ang nararanasan ng bawat tao, tunay na naghahangad at nananalangin, tunay na sumusunod, kung patuloy na gumagawa ang Banal na Espiritu nang gayon, kung may matalas at listong pag-iisip ang mga tao, at kung hindi nawawala ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa kanila, mabilis na lalago ang kanilang katayugan. Kung magdaranas ang lahat sa paraang may tunay na paghahanap at pagdarasal, at tunay na pagsunod, nang patuloy na gumagawa ang Banal na Espiritu upang bigyang-liwanag at gabayan sila, at kung matalino at matalas ang kanilang pag-iisip, at nakapagsasagawa sila at nakapapasok sa mga bagay na binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, mabilis na mabilis na lalago ang kanilang tayog. Masusunggaban na nila ang oportunidad. Ang isang katangian ng gawain ng Banal na Espiritu ay na napakabilis nito—natatapos ito sa isang iglap. Hindi ito katulad ng gawain ng masasamang espiritu, kung kailan lagi kang itinutulak, at hindi ka makakilos sa anumang iba pang paraan. Kung minsan, gumagawa ang Banal na Espiritu sa pagbibigay sa iyo ng isang pakiramdam kapag nasa bingit ka ng panganib, kaya hindi ka mapakali at nababalisa ang iyong kalooban. Nangyayari ito sa ilalim ng mga espesyal na sitwasyon. Karaniwan, sa tuwing lalapit ang mga tao sa Diyos, at hahanapin ang katotohanan, o kapag magbabasa sila ng mga salita ng Diyos, binibigyan sila ng Banal na Espiritu ng pakiramdam, o isang banayad na kaisipan o ideya. O, maaari Siyang magparating sa iyo ng isang pahayag o mensahe. Para bang mayroong tinig, ngunit para din itong walang-tinig; para itong isang paalala, at mauunawaan mo ang ibig sabihin nito. Kung magpapatuloy ka upang tanggapin ang kahulugang iyong naunawaan at ipapahayag ito gamit ang mga angkop na salita, mayroon kang matatamo, at mapalalakas din nito ang iba. Kung laging ganito magdanas ang mga tao, unti-unti nilang mauunawaan ang maraming katotohanan. Kung laging nasa tabi ng mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, at laging may bagong liwanag na umaakay sa kanila, tiyak na kailanman ay hindi sila lilihis sa tunay na daan. Kahit, sa buong panahon, walang sinumang nagbabahagi sa iyo, at hindi ka binibigyan ng anumang mga pagkakaayos ng gawain, kung magpapatuloy ka sa direksyong ito, tiyak na hindi ka tatahak sa maling landas.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, Pinakamahalaga ang Pagkakamit ng Katotohanan
Habang gumagawa ang Banal na Espiritu, naroon pa rin ang tiwaling disposisyon sa loob ng mga tao; gayunpaman, sa panahon ng gawain ng Banal na Espiritu, madali para sa mga tao na tuklasin at kilalanin ang kanilang pagkamapanghimagsik, mga motibasyon, at mga karumihan. Saka pa lamang nakakaramdam ang mga tao ng pagsisisi at nagiging handang magsisi. Sa gayon, ang kanilang mapanghimagsik at tiwaling mga disposisyon ay unti-unting naitatakwil sa loob ng gawain ng Diyos. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay natatanging normal; habang Siya ay gumagawa sa mga tao, mayroon pa rin silang mga suliranin, lumuluha pa rin sila, nagdurusa pa rin sila, mahihina pa rin sila, at marami pa rin ang hindi malinaw sa kanila, ngunit sa ganitong kalagayan nagagawa nilang pigilan ang kanilang mga sarili na dumausdos pabalik, at naiibig nila ang Diyos, at bagama’t lumuluha sila at nababalisa sa loob, nagagawa pa rin nilang purihin ang Diyos; ang gawain ng Banal na Espiritu ay natatanging normal, at kahit katiting ay hindi higit sa natural. Karamihan sa mga tao ay naniniwala na, sa sandaling magsimulang gumawa ang Banal na Espiritu, ang mga pagbabago ay mangyayari sa kalagayan ng mga tao at ang mahahalagang bagay sa kanila ay tinatanggal. Ang gayong mga paniniwala ay may kamalian. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa loob ng tao, ang mga pasibong bagay ng tao ay naroroon pa rin at ang kanyang tayog ay nananatiling gaya nang dati, ngunit nakakamit niya ang pagpapalinaw at kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at kaya ang kanyang kalagayan ay nagiging mas maagap, ang mga kalagayan sa loob niya ay nagiging normal, at nagbabago siya nang mabilis.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Banal na Espiritu at ang Gawain ni Satanas
Ang gawain ng Banal na Espiritu ay pinahihintulutan ang mga tao na makagawa ng positibong pagsulong, samantalang ang gawain ni Satanas ay ginagawa silang negatibo at umuurong, naghihimagsik sa Diyos at nilalabanan Siya, nawawalan ng pananampalataya sa Kanya, at nagiging mahina sa pagganap sa kanilang tungkulin. Lahat ng nagmumula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay talagang likas; hindi ito ipinipilit sa iyo. Kung magpapasakop ka rito, magkakaroon ka ng kapayapaan; kung hindi, pupunahin ka pagkatapos. Kapag mayroong kaliwanagan ng Banal na Espiritu, walang anuman sa ginagawa mo ang magugulo o mapipigilan; ikaw ay palalayain, magkakaroon ng isang landas sa pagsasagawa sa iyong mga pagkilos, at hindi ka mapapasailalim sa anumang mga pagbabawal, kundi magagawang kumilos ayon sa kalooban ng Diyos. Ang gawain ni Satanas ay nagsasanhi sa iyo ng kaguluhan sa maraming bagay; inaalisan ka nito ng ganang manalangin, ginagawa kang masyadong tamad para kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, at walang kagustuhang isabuhay ang buhay ng iglesia, at ihinihiwalay ka nito mula sa espirituwal na buhay. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi nanghihimasok sa iyong pang-araw-araw na buhay at hindi nanghihimasok sa iyong pagpasok sa isang normal na espirituwal na buhay. Hindi mo kayang mahiwatigan ang maraming bagay sa mismong sandaling nangyayari ang mga ito, gayunman, pagkalipas ng ilang araw, mas lumiliwanag ang puso mo at mas lumilinaw ang isipan mo. Nagkakaroon ka ng kaunting pagkaunawa sa mga bagay tungkol sa espiritu, at unti-unti ay nakakaya mong mahiwatigan kung ang isang kaisipan ay nagmumula sa Diyos o mula kay Satanas. Ang ilang bagay ay malinaw na gumagawa sa iyo na tutulan ang Diyos at maghimagsik laban sa Diyos, o pigilin ka mula sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos; ang mga bagay na ito ay mula lahat kay Satanas. Ang ilang bagay ay hindi kitang-kita, at hindi mo masasabi kung ano ang mga ito sa sandaling iyon; pagkatapos, makikita mo ang kanilang mga palatandaan at pagkatapos ay magsasagawa ng paghiwatig. Kung nahihiwatigan mo nang malinaw kung alin ang mga bagay na mula kay Satanas at alin ang pinapatnubayan ng Banal na Espiritu, hindi ka kaagad-agad maililigaw sa iyong mga karanasan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Banal na Espiritu at ang Gawain ni Satanas
Sa pagdanas sa gawain ng Diyos, nangyayari paminsan-minsan ang pagkakaroon ng gawain ng Banal na Espiritu, samantalang halos palaging mayroong presensya ng Banal na Espiritu. Hangga’t normal ang katwiran at pag-iisip ng mga tao, at hangga’t normal ang kanilang kalagayan, siguradong sumasakanila ang Banal na Espiritu. Kapag hindi normal ang katwiran at pag-iisip ng mga tao, hindi normal ang kanilang pagkatao. Kung, sa sandaling ito, sumasaiyo ang gawain ng Banal na Espiritu, siguradong sumasaiyo rin ang Banal na Espiritu. Ngunit kung sumasaiyo ang Banal na Espiritu, hindi ibig sabihin ay talagang gumagawa ang Banal na Espiritu sa iyong kalooban, sapagkat gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga espesyal na pagkakataon. Mapapanatili lamang ng pagkakaroon ng presensya ng Banal na Espiritu ang normal na pag-iral ng mga tao, ngunit gumagawa lamang ang Banal na Espiritu paminsan-minsan. Halimbawa, kung isa kang lider o manggagawa, kapag nagdidilig at nagtutustos ka para sa iglesia, liliwanagan ka ng Banal na Espiritu sa ilang salita na nagpapatatag sa iba at makakalutas sa ilan sa mga praktikal na problema ng iyong mga kapatid—sa ganitong mga pagkakataon, gumagawa ang Banal na Espiritu. Kung minsan, kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, at nililiwanagan ka ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng ilang salitang may partikular na kaugnayan sa sarili mong mga karanasan, na nagtutulot sa iyo na magtamo ng higit na kaalaman tungkol sa sarili mong mga kalagayan; gawain din ito ng Banal na Espiritu. Kung minsan, habang Ako ay nagsasalita, nakikinig kayo at nagagawa ninyong ihambing ang sarili ninyong mga kalagayan sa Aking mga salita, at kung minsan ay naaantig o nabibigyang-inspirasyon kayo; lahat ng ito ay gawain ng Banal na Espiritu. Sinasabi ng ilang tao na gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu sa lahat ng oras. Imposible ito. Kung sasabihin nila na palaging sumasakanila aang Banal na Espiritu, makatotohanan iyon. Kung sasabihin nila na ang kanilang pag-iisip at katinuan ay normal sa lahat ng oras, makatotohanan din iyon, at ipakikita na sumasakanila ang Banal na Espiritu. Kung sinasabi nila na palaging gumagawa ang Banal na Espiritu sa kalooban nila, na nililiwanagan sila ng Diyos at inaantig ng Banal na Espiritu sa bawat sandali, at nagtatamo ng bagong kaalaman sa lahat ng oras, talagang hindi ito normal! Lubos itong higit sa karaniwan! Walang kaduda-duda, masasamang espiritu ang gayong mga tao! Kahit kapag pumapasok ang Espiritu ng Diyos sa katawang-tao, may mga pagkakataon na kailangan Niyang kumain at kailangang magpahinga—bukod pa riyan ang mga tao. Yaong mga nasaniban ng masasamang espiritu ay parang walang kahinaan ng katawan. Nagagawa nilang talikdan at isuko ang lahat, wala silang damdamin, kaya nilang tiisin ang pagdurusa at hindi nakadarama ni katiting na pagod, na parang napangibabawan na nila ang katawan. Hindi ba ito lubos na higit sa karaniwan? Ang gawain ng masasamang espiritu ay hindi karaniwan—walang taong makakagawa ng gayong mga bagay! Yaong mga walang paghiwatig ay naiinggit kapag nakikita nila ang gayong mga tao: Sinasabi nila na napakalakas ng kanilang pananalig sa Diyos, may malaking pananampalataya, at hindi nagpapakita ni katiting na tanda ng kahinaan! Sa katunayan, lahat ng ito ay pagpapamalas ng gawain ng isang masamang espiritu. Sapagkat, ang mga normal na tao ay walang pagsalang may mga kahinaan ng tao; ito ang normal na kalagayan ng yaong mga may presensya ng Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 4
Ang Diyos ay gumagawa sa isang banayad, maingat, mapagmahal, at maalagang paraan, isang higit sa karaniwang paraan na kalkulado at wasto. Ang Kanyang paraan ay hindi nagdudulot sa iyo ng matinding mga emosyon tulad ng, “Dapat na pumayag ang Diyos na gawin ko ito” o “Dapat na pumayag ang Diyos na gawin ko iyon.” Ang Diyos ay hindi kailanman magbibigay sa iyo ng ganoong uri ng matinding isipin o damdamin na magsasanhi na hindi mo makayanan ang mga bagay-bagay. Hindi ba tama iyon? Tanggapin mo man ang mga salita ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, ano ang iyong nararamdaman pagkatapos? Kapag nararamdaman mo ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, ano ang nararamdaman mo pagkatapos? Nararamdaman mo ba na ang Diyos ay banal at hindi maaaring labagin? Nararamdaman mo ba ang distansiya sa pagitan mo at ng Diyos sa ganitong mga pagkakataon? Nararamdaman mo ba kung gaano kakila-kilabot ang Diyos? Hind—sa halip ay natatakot ka sa Diyos. Hindi ba nararamdaman ng mga tao ang lahat ng ito dahil sa gawain ng Diyos? Magkakaroon ba sila ng ganitong mga damdamin kung si Satanas ang gumawa sa tao? Hinding-hindi. …
Ano ang katangian ng gawain ni Satanas sa tao? Dapat ninyong matutuhan ito sa pamamagitan ng inyong sariling mga karanasan—ito ang tipikal na katangian ni Satanas, ang bagay na paulit-ulit nitong ginagawa, ang bagay na sinusubukan nitong gawin sa bawat isang tao. Marahil ay hindi ninyo kayang makita ang katangiang ito, kaya hindi ninyo nararamdaman na lubhang nakakatakot at kasuklam-suklam si Satanas. Mayroon bang nakakaalam kung anong katangian ito? (Sinusulsulan, inaakit at tinutukso nito ang tao.) Tama iyon; ang mga ito ang ilan sa paraan na naipapamalas ang katangiang ito. Si Satanas din ay nandaraya, nanunuligsa at nag-aakusa sa tao—lahat ng ito ay mga pagpapamalas. Mayroon pa bang iba? (Nagsasabi ito ng mga kasinungalingan.) Ang pandaraya at pagsisinungaling ay likas kay Satanas. Madalas nitong ginagawa ang mga bagay na ito. Nariyan din ang pag-astang amo sa mga tao, sinusulsulan sila, pinipilit silang gumawa ng mga bagay-bagay, inuutus-utusan sila, at sapilitang inaangkin sila. Ngayon ay ilalarawan Ko ang isang bagay sa inyo na sisindak sa inyo, ngunit hindi Ko ginagawa ito upang takutin kayo. Ang Diyos ay gumagawa sa tao at pinapahalagahan ang tao kapwa sa Kanyang saloobin at sa Kanyang puso. Sa kabilang banda, si Satanas ay hindi talaga pinapahalagahan ang mga tao, at ginugugol nito ang lahat ng oras nito sa pag-iisip kung paano pamiminsala ang tao. Hindi ba tama ito? Kapag pinag-iisipan nito ang pamiminsala sa tao, ang nasa isipan ba nito ay ang magmadali? (Oo.) Kaya pagdating sa gawain ni Satanas sa tao, may dalawa Akong parirala na sapat na makakapaglarawan sa kasamaan at pagiging malisyoso ni Satanas, na tunay na magtutulot sa inyong makilala ang pagiging kasuklam-suklam ni Satanas: Sa paglapit ni Satanas sa tao, palagi nitong nais na sapilitang masakop at sapian ang tao, ang bawat isa, hanggang sa punto na maaari nitong ganap na makontrol ang tao at mapinsala ang tao nang lubha, upang maaari nitong makamit ang layunin nito at maisakatuparan ang mabangis na ambisyong ito. Ano ang ibig sabihin ng “sapilitang sakupin”? Nangyayari ba ito nang may pahintulot mo, o nang wala kang pahintulot? Nangyayari ba ito nang nalalaman mo, o nang hindi mo nalalaman? Ang sagot ay lubos na nangyayari ito nang hindi mo nalalaman! Nagaganap ito sa mga sitwasyon na wala kang kamalayan, marahil kahit wala itong anumang sinasabi o ginagawa sa iyo, nang walang batayan, walang konteksto—naroroon si Satanas na pumapalibot sa iyo. Naghahanap ito ng pagkakataon na makapagsamantala at pagkatapos ay sasakupin ka nito nang sapilitan, sasapian ka, makakamit ang layunin nito na ganap kang kontrolin at pinsalain ka. Ito ay ang pinakakaraniwang intensyon at pag-uugali ni Satanas sa pakikipaglaban nito na ilayo ang sangkatauhan sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV
Kapag nakikilala ng mga tao ang Diyos, masaya silang magdusa at mabuhay para sa Diyos, pero kinokontrol pa rin ni Satanas ang mga kahinaan sa loob nila, nagagawa pa rin ni Satanas na papagdusahin sila, nagagawa pa rin ng masasamang espiritu na gumawa at magdulot ng kaguluhan sa loob nila, para halinahin sila, para mahibang sila at mapahiya, at lubos na maligalig. May mga bagay sa isipan at kamalayan ng mga tao na malamang na makontrol at mamanipula ni Satanas. Kaya minsan ay may sakit ka at nababalisa, may mga pagkakataon na nararamdaman mong ang mundo ay mapanglaw, o na wala nang saysay pang mabuhay, at may mga pagkakataon pa nga na baka hangarin mo ang kamatayan at gustuhin mong magpakamatay. Ibig sabihin, ginagamit ni Satanas ang mga kapighatiang ito, at ang mga ito ang mortal na kahinaan ng tao. Ang isang bagay na ginawang tiwali at niyurakan ni Satanas ay magagamit pa rin ni Satanas; ginagamit ito ni Satanas para palalain ang mga bagay-bagay. … Kapag gumagawa ang masasamang espiritu, walang pagkakataon na hindi nila sasamantalahin. Maaari silang magsalita sa loob mo o sa iyong tainga, o maaaring guluhin nila ang iyong isip at gambalain ang iyong isipan, ginagawa kang manhid sa haplos ng Banal na Espiritu, pinipigilan kang maramdaman ito, at pagkatapos ay sisimulan ka nang pakialaman ng masasamang espiritu, para guluhin ang iyong isipan at masiraan ka ng bait, nagsasanhi pa nga ito na iwan ng iyong kaluluwa ang iyong katawan. Ito ang gawain na ginagawa ng masasamang espiritu sa mga tao, at nasa matinding panganib ang mga tao kung hindi nila matukoy kung ano talaga ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kabuluhan ng Pagtikim ng Diyos ng Pagdurusa sa Mundo
Mayroon ngayong ilang masasamang espiritu na nililinlang ang tao gamit ang mga bagay na di-pangkaraniwan; yaon ay walang iba kundi panggagaya lamang nila, upang linlangin ang tao sa pamamagitan ng gawain na hindi ginagawa sa kasalukuyan ng Banal na Espiritu. Maraming taong nagsasagawa ng mga himala at nagpapagaling ng maysakit at nagpapalayas ng mga demonyo; ang mga ito ay walang iba kundi gawain ng masasamang espiritu, sapagkat ang Banal na Espiritu ay hindi na gumagawa ng gayong gawain sa kasalukuyan, at lahat ng gumaya sa gawain ng Banal na Espiritu mula noon ay masasamang espiritu talaga. Lahat ng gawaing ipinatupad sa Israel sa panahong iyon ay yaong di-pangkaraniwan, bagama’t ang Banal na Espiritu ay hindi na gumagawa sa ngayon sa gayong paraan, at anumang gayong gawain ngayon ay panggagaya at pagbabalatkayo ni Satanas at paggambala nito. Ngunit hindi mo masasabi na lahat ng di-pangkaraniwan ay kagagawan ng masasamang espiritu—ito ay nakabatay sa kapanahunan ng gawain ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 1
Hindi inuulit ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi Siya gumagawa ng gawaing hindi makatotohanan, hindi Siya nag-aatas ng labis-labis sa tao, at hindi Siya gumagawa ng higit sa pang-unawa ng tao. Ang lahat ng Kanyang ginagawa ay napapaloob sa saklaw ng karaniwang pang-unawa ng tao, at hindi lumalampas sa pang-unawa ng karaniwang pagkatao, at ang Kanyang gawain ay naaayon sa mga karaniwang hinihingi sa tao. Kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ang mga tao ay nagiging lalong higit na karaniwan, at ang kanilang pagkatao ay nagiging lalong higit na karaniwan. Nagkakaroon ng ibayong kaalaman ang mga tao tungkol sa kanilang tiwaling disposisyong malasatanas, at ng diwa ng tao, at nagkakaroon din sila ng higit na pag-asam sa katotohanan. Ang ibig lang sabihin, lumalago nang lumalago ang buhay ng tao, at nakakayanan ng tiwaling disposisyon ng tao ang padagdag nang padagdag na pagbabago—na lahat ay siyang kahulugan ng pagiging buhay ng tao ng Diyos. Kung ang isang daan ay walang kakayahang ihayag ang gayong mga bagay na siyang diwa ng tao, walang kakayahang baguhin ang disposisyon ng tao, at higit pa rito, walang kakayahang dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos o bigyan sila ng tunay na pagkaunawa sa Diyos, at nagiging sanhi pa upang ang kanilang pagkatao ay higit pang maging mababa at ang kanilang katinuan ay higit pang maging hindi karaniwan, ang daang ito, kung gayon, ay hindi ang tunay na daan, at maaaring ito ay gawain ng masamang espiritu, o ang lumang daan. Sa madaling salita, hindi ito ang gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos
Kaugnay na mga Himno
Kapag Gumagawa ang Banal na Espiritu sa Tao
Hindi Nauulit ang Gawain ng Diyos