d. Ang mahahalagang kaibahan sa pagitan ng Diyos na nagkatawang-tao at ng mga taong ginagamit ng Diyos
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang “pagkakatawang-tao” ay ang pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao; gumagawa ang Diyos sa gitna ng nilikhang sangkatauhan sa larawan ng katawang-tao. Kaya para magkatawang-tao ang Diyos, kailangan muna Siyang magkaroon ng katawang-tao, katawang-taong may normal na pagkatao; ito ang pinakapangunahing kinakailangan. Sa katunayan, ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay buhay at gumagawa sa katawang-tao, na ang Diyos sa Kanyang pinakadiwa ay nagkatawang-tao, naging isang tao. … Dahil Siya ay isang tao na may diwa ng Diyos, nangingibabaw Siya sa lahat ng taong nilikha, nangingibabaw sa sinumang taong makakagawa ng gawain ng Diyos. Kaya nga, sa lahat ng may katawan ng taong kagaya ng sa Kanya, sa lahat ng nagtataglay ng pagkatao, Siya lamang ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao—lahat ng iba pa ay mga taong nilikha. Bagama’t lahat sila ay may pagkatao, walang ibang taglay ang mga tao maliban sa pagkatao, samantalang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naiiba: Sa Kanyang katawang-tao hindi lamang Siya may pagkatao kundi, ang mas mahalaga, mayroon Siyang pagka-Diyos. Ang Kanyang pagkatao ay makikita sa panlabas na anyo ng Kanyang katawan at sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, ngunit ang Kanyang pagka-Diyos ay mahirap mahiwatigan. Dahil naipapahayag lamang ang Kanyang pagka-Diyos kapag Siya ay may pagkatao, at hindi higit-sa-karaniwan na tulad ng iniisip ng mga tao, napakahirap para sa mga tao na makita ito. Kahit ngayon, hirap na hirap ang mga tao na arukin ang totoong diwa ng Diyos na nagkatawang-tao. Kahit matapos Akong magsalita nang napakahaba tungkol dito, inaasahan Ko na isa pa rin itong hiwaga sa karamihan sa inyo. Sa katunayan, napakasimple ng isyung ito: Dahil naging tao ang Diyos, ang Kanyang diwa ay isang kumbinasyon ng pagkatao at ng pagka-Diyos. Ang kumbinasyong ito ay tinatawag na Diyos Mismo, Diyos Mismo sa lupa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos
Kapag dumarating ang Diyos sa lupa, ginagawa lamang Niya ang Kanyang gawain sa loob ng pagka-Diyos, na siyang naipagkatiwala ng makalangit na Espiritu sa Diyos na nagkatawang-tao. Kapag dumarating Siya, nagsasalita lamang Siya sa buong lupain, upang isatinig ang Kanyang mga pagbigkas sa iba’t ibang paraan at mula sa iba’t ibang pananaw. Ang Kanyang mga layunin at prinsipyo sa paggawa una sa lahat ay tustusan ang tao at turuan ang tao, at hindi Niya inaalala ang mga bagay na tulad ng mga pakikipag-ugnayan sa tao o ang mga detalye ng buhay ng mga tao. Ang Kanyang pangunahing ministeryo ay ang magsalita para sa Espiritu. Ibig sabihin, kapag ang Espiritu ng Diyos ay pisikal na nagpapakita sa katawang-tao, tinutustusan lamang Niya ang buhay ng tao at inilalabas ang katotohanan. Hindi Siya nakikialam sa gawain ng tao, na ibig sabihin, hindi Siya nakikilahok sa gawain ng sangkatauhan. Hindi maaaring gumawa ng banal na gawain ang mga tao, at hindi nakikilahok ang Diyos sa gawain ng tao. Sa lahat ng taon mula nang pumarito ang Diyos sa mundong ito upang isagawa ang Kanyang gawain, lagi Niya itong ginawa sa pamamagitan ng mga tao. Gayunman, ang mga taong ito ay hindi maaaring ituring na Diyos na nagkatawang-tao—yaon lamang ay mga kinakasangkapan ng Diyos. Ang Diyos ng ngayon, samantala, ay maaaring magsalita nang tuwiran mula sa pananaw ng pagka-Diyos, na inihahatid ang tinig ng Espiritu at gumagawa sa ngalan ng Espiritu. Gayundin, lahat ng taong kinasangkapan ng Diyos sa paglipas ng mga kapanahunan ay mga pagkakataon na gumagawa ang Espiritu ng Diyos sa loob ng katawang may laman—kaya bakit hindi sila maaaring tawaging Diyos? Ngunit ang Diyos ng ngayon ay Espiritu rin ng Diyos na tuwirang gumagawa sa katawang-tao, at si Jesus ay Espiritu rin ng Diyos na gumagawa sa katawang-tao; kapwa Sila tinatawag na Diyos. Kaya ano ang kaibhan? Ang mga taong kinasangkapan ng Diyos sa paglipas ng mga kapanahunan ay may kakayahang lahat na mag-isip at mangatwiran nang normal. Naunawaan nilang lahat ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao. Nagkaroon na sila ng normal na mga ideya ng tao, at nagtataglay na sila ng lahat ng bagay na dapat taglayin ng normal na mga tao. Karamihan sa kanila ay may pambihirang talento at likas na katalinuhan. Sa paggawa sa mga taong ito, ginagamit ng Espiritu ng Diyos ang kanilang mga talento, na mga kaloob sa kanila ng Diyos. Ginagamit ng Espiritu ng Diyos ang kanilang mga talento, gamit ang kanilang mga kalakasan sa paglilingkod sa Diyos. Subalit ang diwa ng Diyos ay walang mga ideya o kaisipan, walang halong mga layunin ng tao, at wala pa nga ng tinataglay ng normal na mga tao. Ibig sabihin, ni hindi Siya pamilyar sa mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao. Ganito ang sitwasyon kapag dumarating sa lupa ang Diyos ng ngayon. Ang Kanyang gawain at Kanyang mga salita ay walang halong mga layunin ng tao o kaisipan ng tao, kundi ang mga ito ay tuwirang pagpapakita ng mga layunin ng Espiritu, at gumagawa Siya nang tuwiran sa ngalan ng Diyos. Nangangahulugan ito na ang Espiritu ay tuwirang nagsasalita, ibig sabihin, ang pagka-Diyos ang tuwirang gumagawa ng gawain, nang hindi ito hinahaluan ng kahit katiting na mga layunin ng tao. Sa madaling salita, kinakatawan nang tuwiran ng Diyos na nagkatawang-tao ang pagka-Diyos, walang kaisipan o mga ideya ng tao, at walang pagkaunawa tungkol sa mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao. Kung gumagawa lamang sana ang pagka-Diyos (ibig sabihin ay kung gumagawa lamang sana ang Diyos Mismo), walang paraan para maisagawa ang gawain ng Diyos sa lupa. Kaya kapag dumarating ang Diyos sa lupa, kailangan ay mayroon Siyang isang maliit na bilang ng mga tao na kinakasangkapan Niya upang gumawa sa loob ng sangkatauhan kasabay ng gawaing ginagawa ng Diyos sa pagka-Diyos. Sa madaling salita, ginagamit Niya ang gawain ng tao upang pagtibayin ang Kanyang banal na gawain. Kung hindi, walang paraan para tuwirang makisali ang tao sa banal na gawain. Ganito noon kay Jesus at sa Kanyang mga disipulo. Noong panahon Niya sa mundo, inalis ni Jesus ang mga lumang kautusan at itinatag ang mga bagong kautusan. Nangusap din Siya ng maraming salita. Lahat ng gawaing ito ay ginawa sa pagka-Diyos. Ang iba pa, tulad nina Pedro, Pablo, at Juan, ay isinalalay lahat ang sumunod nilang gawain sa pundasyon ng mga salita ni Jesus. Ibig sabihin, inilunsad ng Diyos ang Kanyang gawain sa kapanahunang iyon, na nagpasimula ng Kapanahunan ng Biyaya; ibig sabihin, pinasimulan Niya ang isang bagong kapanahunan, na inaalis ang luma, at tinutupad din ang mga salitang “Ang Diyos ang Simula at ang Katapusan.” Sa madaling salita, kailangang isagawa ng tao ang gawain ng tao ayon sa pundasyon ng banal na gawain. Nang masabi ni Jesus ang lahat ng kailangan Niyang sabihin at matapos ang Kanyang gawain sa lupa, iniwan Niya ang tao. Pagkatapos nito, lahat ng tao, sa paggawa, ay gumawa nga ayon sa mga prinsipyong ipinahayag sa Kanyang mga salita, at nagsagawa ayon sa mga katotohanang Kanyang sinabi. Lahat ng taong ito ay gumawa para kay Jesus. Kung si Jesus lamang ang mag-isang gumawa ng gawain, gaano man karaming salita ang Kanyang sinabi, walang anumang paraan ang mga tao para makibahagi sa Kanyang mga salita, dahil gumawa Siya sa pagka-Diyos at maaari lamang mangusap ng mga salita ng pagka-Diyos, at hindi Niya maaaring ipaliwanag ang mga bagay-bagay hanggang sa maaari nang maunawaan ng normal na mga tao ang Kanyang mga salita. Kaya nga kinailangan Niyang magkaroon ng mga apostol at propetang sumunod sa Kanya para tumulong sa Kanyang gawain. Ito ang prinsipyo kung paano ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain—gamit ang nagkatawang-taong laman upang magsalita at gumawa nang sa gayon ay matapos ang gawain ng pagka-Diyos, at pagkatapos ay kinakasangkapan ang ilan, o marahil ay higit pa, na mga taong kaayon ng sariling puso ng Diyos upang tumulong sa Kanyang gawain. Ibig sabihin, kinakasangkapan ng Diyos ang mga taong kaayon ng Kanyang puso upang gawin ang gawain ng paggabay at pagdidilig sa sangkatauhan upang lahat ng taong hinirang ng Diyos ay makapasok sa katotohanang realidad.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Mahalagang Kaibhan sa Pagitan ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng mga Taong Kinakasangkapan ng Diyos
Kung, nang Siya ay magkatawang-tao, ginawa lamang ng Diyos ang gawain ng pagka-Diyos, at walang mga taong kaayon ng Kanyang puso upang gumawa na kasabay Niya, mawawalan ng kakayahan ang tao na maunawaan ang kalooban ng Diyos o makipag-ugnayan sa Diyos. Kailangang kasangkapanin ng Diyos ang normal na mga tao na kaayon ng Kanyang puso upang tapusin ang gawaing ito, upang bantayan at gabayan ang mga iglesia, nang sa gayon ay magkaroon ng kakayahan ang antas ng pag-unawa ng tao, ang kanyang utak, na isipin ang maaaring makamit. Sa madaling salita, kinakasangkapan ng Diyos ang maliit na bilang ng mga tao na kaayon ng Kanyang puso upang “isalin” ang gawaing Kanyang ginagawa sa loob ng Kanyang pagka-Diyos, nang sa gayon ay mabuksan ito—magawang wika ng tao ang banal na wika, nang sa gayon ay maintindihan at maunawaan ito ng mga tao. Kung hindi ito ginawa ng Diyos, walang sinumang makauunawa sa banal na wika ng Diyos, dahil ang mga taong kaayon ng puso ng Diyos, kung tutuusin, ay maliit na minorya, at ang kakayahan ng tao na makaunawa ay mahina. Iyan ang dahilan kaya pinipili lamang ng Diyos ang paraang ito kapag gumagawa Siya sa nagkatawang-taong laman. Kung mayroon lamang banal na gawain, walang paraan para makilala o makaniig ng tao ang Diyos, dahil hindi nauunawaan ng tao ang wika ng Diyos. Nauunawaan ng tao ang wikang ito sa pamamagitan lamang ng pagkakatawan ng mga taong kaayon ng puso ng Diyos, na nagpapalinaw sa Kanyang mga salita. Gayunman, kung mayroon lamang gayong mga tao na gumagawa sa loob ng pagkatao, maaari lamang mapanatili niyan ang normal na buhay ng tao; hindi nito mababago ang disposisyon ng tao. Ang gawain ng Diyos ay hindi maaaring magkaroon ng panibagong panimula; magkakaroon lamang ng dati nang mga lumang awit, dati nang mga lumang bukambibig. Sa pamamagitan lamang ng pagkakatawan ng Diyos na nagkatawang-tao, na nagsasabi ng lahat ng kailangang sabihin at gumagawa ng lahat ng kailangang gawin sa panahon ng Kanyang pagkakatawang-tao, pagkatapos ay gumagawa at nakararanas ang mga tao ayon sa Kanyang mga salita, sa gayon lamang magbabago ang kanilang disposisyon sa buhay, at sa gayon lamang nila magagawang sumama sa agos ng panahon. Siya na gumagawa sa loob ng pagka-Diyos ay kumakatawan sa Diyos, samantalang yaong mga gumagawa sa loob ng pagkatao ay mga taong kinakasangkapan ng Diyos. Ibig sabihin, ang Diyos na nagkatawang-tao ay may malaking kaibhan sa mga taong kinakasangkapan ng Diyos. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay kayang gawin ang gawain ng pagka-Diyos, samantalang ang mga taong kinakasangkapan ng Diyos ay hindi. Sa simula ng bawat isang kapanahunan, personal na nangungusap ang Espiritu ng Diyos at naglulunsad ng bagong kapanahunan upang dalhin ang tao sa isang bagong simula. Kapag tapos na Siyang magsalita, nagpapahiwatig ito na tapos na ang gawain ng Diyos sa loob ng Kanyang pagka-Diyos. Pagkatapos noon, lahat ng tao ay sumusunod sa pangunguna ng mga yaon na kinakasangkapan ng Diyos upang pumasok sa karanasan nila sa buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Mahalagang Kaibhan sa Pagitan ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng mga Taong Kinakasangkapan ng Diyos
Ang ibang tao ay magtatanong, “Ano ang pagkakaiba ng gawaing isinagawa ng nagkatawang-taong Diyos sa gawain ng mga propeta at mga apostol noon? Si David ay tinawag din na Panginoon, gayundin si Jesus; bagaman magkaiba ang gawaing kanilang isinagawa, magkatulad ang itinawag sa kanila. Sabihin mo sa akin, bakit magkaiba ang kanilang pagkakakilanlan? Ang nasaksihan ni Juan ay isang pangitain, na nagmula rin sa Banal na Espiritu, at nasabi niya ang mga salitang balak sabihin ng Banal na Espiritu; bakit magkaiba ang pagkakakilanlan ni Juan at ni Jesus?” Ang mga salitang sinabi ni Jesus ay nagawang ganap na kumatawan sa Diyos, at ganap na kumatawan sa gawain ng Diyos. Ang nakita ni Juan ay isang pangitain, at wala siyang kakayahan na ganap na kumatawan sa gawain ng Diyos. Bakit nagpahayag ng maraming salita sina Juan, Pedro, at Pablo, gaya ni Jesus, ngunit hindi pareho ang pagkakakilanlan nila kay Jesus? Ito ay pangunahing dahil ang gawaing kanilang ginawa ay magkaiba. Kinatawan ni Jesus ang Espiritu ng Diyos at Siya ang Espiritu ng Diyos na direktang gumagawa. Ginawa Niya ang gawain ng bagong kapanahunan, ang gawain na wala pang nakagagawa. Nagbukas Siya ng bagong daan, kinatawan Niya si Jehova, at kinatawan Niya ang Diyos Mismo. Samantalang sina Pedro, Pablo, at David, anuman ang tawag sa kanila, ay kinatawan lamang ang pagkakakilanlan ng isang nilalang ng Diyos, at ipinadala ni Jesus o ni Jehova. Kaya gaano man karami ang gawaing kanilang isinagawa, gaano man kadakila ang mga himalang kanilang ginawa, sila pa rin ay mga nilalang lamang ng Diyos, at walang kakayahang kumatawan sa Espiritu ng Diyos. Sila ay gumawa sa ngalan ng Diyos o matapos ipadala ng Diyos; higit pa rito, sila ay gumawa sa mga kapanahunang sinimulan ni Jesus o ni Jehova, at hindi sila gumawa ng iba pang gawain. Sila ay, matapos ang lahat, mga nilalang lamang ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan
Sa Kapanahunan ng Biyaya, sumambit din si Jesus ng maraming salita at gumawa ng maraming gawain. Paano Siya naiba kay Isaias? Paano Siya naiba kay Daniel? Isa ba Siyang propeta? Bakit sinasabi na Siya si Cristo? Ano ang mga pagkakaiba sa pagitan nila? Sila ay pawang mga taong sumambit ng mga salita, at ang kanilang mga salita humigit-kumulang ay mukhang magkakapareho sa tao. Lahat sila ay sumambit ng mga salita at gumawa ng gawain. Ang mga propeta ng Lumang Tipan ay sumambit ng mga propesiya, at gayundin, kaya iyon ni Jesus. Bakit ganito? Ang pagkakaiba rito ay batay sa likas na katangian ng gawain. Para mahiwatigan ang bagay na ito, huwag mong isaalang-alang ang likas na katangian ng laman, ni hindi mo dapat isaalang-alang ang kalaliman o kababawan ng kanilang mga salita. Kailangan mo palaging isaalang-alang muna ang kanilang gawain at ang mga epekto ng kanilang gawain sa tao. Ang mga propesiyang sinambit ng mga propeta sa panahong iyon ay hindi tinustusan ang buhay ng tao, at ang mga inspirasyong tinanggap ng mga katulad nina Isaias at Daniel ay mga propesiya lamang, at hindi ang daan ng buhay. Kung hindi dahil sa tuwirang paghahayag ni Jehova, walang sinumang makagagawa ng gawaing iyon, na hindi posible para sa mga mortal. Sumambit din si Jesus ng maraming salita, ngunit ang gayong mga salita ay ang daan ng buhay kung saan makasusumpong ang tao ng isang landas ng pagsasagawa. Ibig sabihin, una, maaari Niyang tustusan ang buhay ng tao, sapagkat si Jesus ang buhay; pangalawa, maaari Niyang baligtarin ang mga paglihis ng tao; pangatlo, ang Kanyang gawain ay maaaring sumunod sa gawain ni Jehova para ipagpatuloy ang kapanahunan; pang-apat, maaari Niyang maintindihan ang mga pangangailangan sa kalooban ng tao at maunawaan kung ano ang kulang sa tao; panlima, maaari Niyang pasimulan ang isang bagong kapanahunan at wakasan ang dati. Kaya nga Siya tinatawag na Diyos at Cristo; hindi lamang Siya iba kay Isaias kundi maging sa lahat ng iba pang mga propeta. Ikumpara natin si Isaias para sa gawain ng mga propeta. Una, hindi niya kayang tustusan ang buhay ng tao; pangalawa, hindi niya kayang magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Gumagawa siya noon sa ilalim ng pamumuno ni Jehova at hindi para magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Pangatlo, ang mga salitang kanyang sinambit ay higit pa sa kaya niyang sambitin. Tuwiran siyang tumatanggap noon ng mga paghahayag mula sa Espiritu ng Diyos, at hindi ito mauunawaan ng iba, kahit napakinggan nila ang mga ito. Ang ilang bagay na ito lamang ay sapat na upang patunayan na ang kanyang mga salita ay mga propesiya lamang, isang aspeto lamang ng gawaing ginawa sa ngalan ni Jehova. Gayunman, hindi niya kayang lubos na katawanin si Jehova. Siya ay lingkod ni Jehova, isang kasangkapan sa gawain ni Jehova. Ginagawa lamang niya ang gawain sa loob ng Kapanahunan ng Kautusan at sa loob ng saklaw ng gawain ni Jehova; hindi siya gumawa nang lampas pa sa Kapanahunan ng Kautusan. Bagkus, iba ang gawain ni Jesus. Nilagpasan Niya ang saklaw ng gawain ni Jehova; gumawa Siya bilang Diyos na nagkatawang-tao at ipinako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Ibig sabihin, nagsagawa Siya ng bagong gawaing bukod sa gawaing ginawa ni Jehova. Ito ang pagpapasimula ng isang bagong kapanahunan. Dagdag pa rito, nagawa Niyang banggitin yaong hindi kayang makamtan ng tao. Ang Kanyang gawain ay gawain sa loob ng pamamahala ng Diyos at sakop ang buong sangkatauhan. Hindi Siya gumawa sa iilang tao lamang, ni hindi layon ng Kanyang gawain na pamunuan ang limitadong bilang ng mga tao. Hinggil sa kung paano nagkatawang-tao ang Diyos bilang isang tao, paano nagbigay ng mga paghahayag ang Espiritu sa panahong iyon, at paano bumaba ang Espiritu sa isang tao upang gumawa ng gawain—ito ay mga bagay na hindi nakikita o nahihipo ng tao. Lubos na imposibleng magsilbing patunay ang mga katotohanang ito na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao. Sa gayon, ang pagkakaiba ay makikita lamang sa mga salita at gawain ng Diyos, na nahihipo ng tao. Ito lamang ang totoo. Ito ay dahil ang mga bagay ng Espiritu ay hindi mo nakikita at malinaw lamang na nalalaman ng Diyos Mismo, at kahit ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay hindi alam ang lahat; mapapatunayan mo lamang kung Siya ang Diyos mula sa gawaing Kanyang nagawa. Mula sa Kanyang gawain, makikita na, una, nagagawa Niyang magbukas ng isang bagong kapanahunan; pangalawa, nagagawa Niyang tustusan ang buhay ng tao at ipakita sa tao ang daang susundan. Sapat na ito upang mapagtibay na Siya ang Diyos Mismo. Kahit paano, ang gawaing Kanyang ginagawa ay kayang lubos na katawanin ang Espiritu ng Diyos, at mula sa gawaing iyon ay makikita na ang Espiritu ng Diyos ay nasa loob Niya. Dahil ang gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao una sa lahat ay para magpasimula ng isang bagong kapanahunan, mamahala sa bagong gawain, at magbukas ng isang bagong kaharian, ang mga ito lamang ay sapat na upang magpatunay na Siya ang Diyos Mismo. Sa gayon ay ipinapakita nito ang kaibhan Niya kina Isaias, Daniel, at iba pang dakilang mga propeta.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao
Ang salita ng Diyos ay hindi maaaring ituring na salita ng tao, at lalong hindi maaaring ituring ang salita ng tao na salita ng Diyos. Ang isang taong kinakasangkapan ng Diyos ay hindi ang Diyos na nagkatawang-tao, at ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi ang taong kinakasangkapan ng Diyos. Dito, mayroong malaking pagkakaiba. Marahil, matapos basahin ang mga salitang ito, hindi mo tinatanggap ang mga iyon bilang mga salita ng Diyos, kundi bilang kaliwanagan lamang na natamo ng tao. Kung gayon, binubulag ka ng kamangmangan. Paano magiging kapareho ng kaliwanagang natamo ng tao ang mga salita ng Diyos? Ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ay nagpapasimula ng isang bagong kapanahunan, ginagabayan ang buong sangkatauhan, naghahayag ng mga hiwaga, at ipinapakita sa tao ang direksyong dapat niyang sundan sa bagong kapanahunan. Ang kaliwanagang natamo ng tao ay simpleng tagubilin lamang na isasagawa o para sa kaalaman. Hindi nito magagabayan ang buong sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan o maihahayag ang mga hiwaga ng Diyos Mismo. Pagkatapos ng lahat, ang Diyos ay Diyos, at ang tao ay tao. Ang Diyos ay may diwa ng Diyos, at ang tao ay may diwa ng tao. Kung ituturing ng tao ang mga salitang sinambit ng Diyos bilang simpleng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at ituturing ang mga salita ng mga apostol at propeta bilang mga salitang personal na sinambit ng Diyos, pagkakamali iyan ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Ano ang Mahalagang Pagkakaiba sa Pagitan ng nagkatawang-taong Diyos at mga Taong Ginamit ng Diyos?
Kaugnay na mga Himno
Taglay ng Nagkatawang-taong Diyos ang Pagkatao at Pagka-Diyos
Diyos ay Diyos, Tao ay Tao