Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 1
Malapit na malapit nang matapos ang Aking gawain, at ang maraming taon ng pagsasama ay naging di-mabatang alaala. Walang tigil Kong inulit ang Aking mga salita at palagiang inilatag ang Aking bagong gawain. Siyempre, ang Aking payo ay isang kinakailangang bahagi ng bawat piraso ng gawaing ginagawa Ko. Kung wala ang Aking payo, lahat kayo ay maliligaw at lubos na matutuliro pa. Ang Aking gawain ay malapit nang matapos ngayon at nasa huling yugto na nito. Nais Ko pa ring gawin ang gawain ng pagbibigay ng payo, iyon ay, ang mag-alok ng mga payo para pakinggan ninyo. Umaasa lang Ako na hindi ninyo magagawang sayangin ang Aking mga pagsisikap, at, bukod pa roon, na magagawa ninyong maunawaan ang maingat na pangangalagang Aking ginawa, at ituring ang Aking mga salita bilang saligan ng kung paano kayo kumikilos bilang isang tao. Kung ang mga ito man ay ang uri ng mga salita na handa ninyong pakinggan o hindi, kung nasisiyahan man kayo o hindi na tanggapin ang mga ito o matatanggap lang ang mga ito nang may pagkabalisa, dapat ninyong seryosohin ang mga ito. Kung hindi, ang inyong mga di-seryoso at walang malasakit na mga disposisyon at mga asal ay lubhang magpapabahala sa Akin at talagang magpapasuklam sa Akin. Lubos Akong umaasa na lahat kayo ay magagawang basahin ang Aking mga salita nang paulit-ulit—nang libu-libong beses—at maisasaulo pa nga ang mga ito. Sa ganitong paraan lang ninyo magagawang hindi biguin ang Aking mga inaasahan sa inyo. Subalit, wala sa inyo ang namumuhay nang ganito ngayon. Sa kabaligtaran, lahat kayo ay nalulubog sa isang pinasamang buhay, isang buhay ng pagkain at pag-inom hanggang sa inyong ikasisiya, at wala sa inyo ang gumagamit ng Aking mga salita upang mapayaman ang inyong puso at kaluluwa. Ito ang dahilan kung bakit nahinuha Ko ang totoong mukha ng sangkatauhan: Kaya Akong pagtaksilan ng tao anumang oras, at walang sinuman ang maaaring maging lubos na matapat sa Aking mga salita.
“Ang tao ay ganap nang nagawang tiwali ni Satanas na wala na siyang hitsura ng tao.” Bahagya nang kinikilala ngayon ng karamihan ng mga tao ang pariralang ito. Sinasabi Ko ito dahil ang “pagkilala” na tinutukoy Ko ay isang uri lang ng mababaw na pagkilala, na salungat sa tunay na kaalaman. Yamang wala sa inyo ang kayang tumpak na tasahin o masusing suriin ang inyong mga sarili, nananatili kayong may iba’t ibang pakahulugan sa Aking mga salita. Ngunit sa pagkakataong ito, gumagamit Ako ng mga katunayan upang ipaliwanag ang isang pinakaseryosong problema na umiiral sa inyo. Ang problemang iyon ay ang pagtataksil. Pamilyar kayong lahat sa salitang “pagtataksil,” dahil karamihan sa mga tao ay nakagawa na ng isang bagay na nagtataksil sa iba, tulad ng isang asawang lalaki na pinagtataksilan ang kanyang asawang babae, isang asawang babae na pinagtataksilan ang kanyang asawang lalaki, isang anak na lalaki na pinagtataksilan ang kanyang ama, isang anak na babae na pinagtataksilan ang kanyang ina, isang alipin na pinagtataksilan ang kanyang amo, mga magkakaibigan na pinagtataksilan ang isa’t isa, mga magkakamag-anak na pinagtataksilan ang isa’t isa, mga nagbebenta na pinagtataksilan ang mga mamimili, at iba pa. Ang lahat ng halimbawang ito ay naglalaman ng diwa ng pagtataksil. Sa madaling salita, ang pagtataksil ay isang uri ng pag-uugali na sumisira sa isang pangako, lumalabag sa mga prinsipyo ng moralidad, o lumalaban sa pantaong etika, na nagpapakita ng isang pagkawala ng pagkatao. Sa pangkalahatan, bilang isang taong isinilang sa daigdig na ito, may nagawa ka nang isang bagay na maituturing na pagtataksil sa katotohanan, kung naaalala mo man na nakagawa ka kailanman ng isang bagay upang pagtaksilan ang iba pang tao, o kung pinagtaksilan mo na ang iba nang maraming beses. Dahil ikaw ay may kakayahang pagtaksilan ang iyong mga magulang o mga kaibigan, ikaw ay may kakayahang pagtaksilan ang iba, at ikaw rin ay may kakayahang magtaksil sa Akin at gumawa ng mga bagay na kinamumuhian Ko. Sa ibang salita, ang pagtataksil ay hindi lamang isang mababaw na imoral na pag-uugali, ngunit isang bagay na hindi kaayon ng katotohanan. Ito mismo ang pinagmumulan ng paglaban at pagsuway sa Akin ng sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit nalagom Ko ito sa sumusunod na pahayag: Ang pagtataksil ay kalikasan ng tao, at ang kalikasang ito ang malaking kalaban ng pagiging kaayon sa Akin ng bawat tao.
Ang pag-uugaling hindi kayang lubusang sumunod sa Akin ay pagtataksil. Ang pag-uugaling hindi kayang maging tapat sa Akin ay pagtataksil. Ang pagdaya sa Akin at paggamit ng mga kasinungalingan upang linlangin Ako ay pagtataksil. Ang pagtataglay ng maraming kuru-kuro at pagpapakalat sa mga ito sa lahat ng dako ay pagtataksil. Ang kawalan ng kakayahang itaguyod ang Aking mga patotoo at mga interes ay pagtataksil. Ang paghahandog ng mga huwad na ngiti kapag malayo sa Akin ang puso ay pagtataksil. Ang lahat ng ito ay mga gawain ng pagtataksil na palagi na ninyong nagagawa, at ang mga ito ay karaniwan din sa inyo. Maaaring wala sa inyo ang nag-iisip na ito ay isang problema, ngunit hindi iyon ang iniisip Ko. Hindi Ko maaaring tratuhin ang pagtataksil sa Akin ng isang tao bilang isang maliit na bagay, at lalo namang hindi Ko maaaring hindi ito pansinin. Ngayon, kapag Ako ay gumagawa sa gitna ninyo, kumikilos kayo sa ganitong paraan—kung darating ang araw na walang sinuman ang naroon upang bantayan kayo, hindi ba kayo magiging gaya ng mga bandido na ipinapahayag ang kanilang sarili na mga hari ng kanilang mga munting bundok? Kapag nangyari iyon at nagsanhi kayo ng isang malaking sakuna, sino ang naroroon upang ayusin ang problema? Iniisip ninyong ang ilang gawaing pagtataksil ay paminsan-minsang pangyayari lang, hindi ang inyong namimihasang pag-uugali, at hindi nararapat pag-usapan nang ganito kaseryoso, sa isang paraang pumipinsala sa inyong kapurihan. Kung talagang ganito ang iniisip ninyo, kulang kayo sa katinuan. Ang mag-isip nang ganito ay ang maging isang uliran at halimbawa ng paghihimagsik. Ang kalikasan ng tao ay ang kanyang buhay; ito ay isang prinsipyo kung saan siya umaasa upang manatiling buhay, at hindi niya maaaring baguhin ito. Gawing halimbawa ang kalikasan ng pagtataksil. Kung kaya mong gumawa ng isang bagay upang pagtaksilan ang isang kamag-anak o kaibigan, ito ay nagpapatunay na bahagi ito ng iyong buhay at ipinanganak kang may ganitong kalikasan. Ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ninuman. Halimbawa, kung nasisiyahan ang isang taong magnakaw sa iba, ang kasiyahang magnakaw na ito ay bahagi ng kanyang buhay, bagaman maaaring magnakaw siya minsan at hindi naman magnakaw minsan. Magnakaw man siya o hindi, hindi nito maaaring patunayan na ang kanyang pagnanakaw ay isang uri lamang ng pag-uugali. Sa halip, nagpapatunay ito na ang kanyang pagnanakaw ay isang bahagi ng kanyang buhay—iyon ay, ang kanyang kalikasan. Ang ilang tao ay magtatanong: Yamang ito ay kanyang kalikasan, kung gayon bakit, kapag nakakakita siya ng magagandang bagay, hindi niya minsan ninanakaw ang mga iyon? Ang sagot ay napakasimple. Maraming kadahilanan kung bakit hindi siya nagnanakaw. Maaaring hindi niya nakawin ang isang bagay dahil masyado itong malaki para kupitin mula sa mapagbantay na mga mata, o dahil walang angkop na oras upang kumilos, o ang isang bagay ay masyadong mahal, masyadong mahigpit na nababantayan, o marahil siya ay hindi partikular na interesado rito, o hindi niya nakikita ang magiging gamit nito sa kanya, at iba pa. Ang lahat ng kadahilanang ito ay posible. Ngunit ano pa man, kung nakawin man niya ang isang bagay o hindi, hindi nito maaaring patunayan na ang kaisipang ito ay umiiral lang bilang isang panandalian at pahapyaw na saglit. Sa kabaligtaran, ito ay isang bahagi ng kanyang kalikasan na mahirap baguhin upang gawing mas mabuti. Ang ganitong tao ay hindi nasisiyahan sa pagnanakaw nang isang beses lamang; ang ganitong mga saloobing angkinin ang mga pag-aari ng ibang tao bilang kanya ay nabubuo tuwing nakakatagpo siya ng isang bagay na maganda, o isang angkop na sitwasyon. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na ang pinagmulan ng kaisipang ito ay hindi isang bagay na napupulot lang paminsan-minsan, kundi nasa sariling kalikasan ng taong ito.
Ang sinuman ay maaaring gumamit ng kanilang sariling mga salita at mga pagkilos upang katawanin ang kanilang tunay na mukha. Ang totoong mukhang ito ay, siyempre, ang kanilang kalikasan. Kung ikaw ay isang taong nagsasalita sa isang paikut-ikot na paraan, ikaw ay may isang baluktot na kalikasan. Kung ang iyong kalikasan ay tuso, kumikilos ka sa mapanlinlang na paraan, at ginagawa mong napakadali para sa iba na malansi mo. Kung ang iyong kalikasan ay nakakatakot, maaaring maging kaaya-ayang pakinggan ang iyong mga salita, ngunit hindi maitatago ng iyong mga pagkilos ang iyong mga nakakatakot na pandaraya. Kung ang iyong kalikasan ay tamad, ang lahat ng bagay na iyong sinasabi ay naglalayong umiwas sa responsibilidad para sa iyong kawalang-interes at katamaran, at ang iyong mga pagkilos ay magiging mabagal at basta-basta, at napakagaling sa pagtatakip ng katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay madamayin, magiging makatwiran ang iyong mga salita, at ang mga kilos mo rin ay aayon nang maigi sa katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay tapat, ang iyong mga salita ay tiyak na taos-puso at ang paraan ng iyong pagkilos ay praktikal, walang anumang magsasanhi para sa iyong amo na mabalisa. Kung ang iyong kalikasan ay mapagnasa o sakim sa pera, ang iyong puso ay kadalasang mapupuno ng mga bagay na ito, at ikaw ay hindi sinasadyang gagawa ng mga lihis at imoral na bagay na magiging mahirap para sa mga tao na makalimutan at na magpapasulasok sa kanila. Tulad ng nasabi Ko, kung mayroon kang isang kalikasan ng pagtataksil, mahihirapan kang kumawala rito. Huwag mong iasa sa swerte na kung hindi ka nagkasala sa iba ay wala kang kalikasan ng pagtataksil. Kung ganoon ang iyong iniisip, ikaw nga ay talagang kasuklam-suklam. Ang lahat ng salita Ko, tuwing nagsasalita Ako, ay nakatuon sa lahat ng tao, hindi lamang sa isang tao o isang uri ng tao. Dahil lamang hindi mo pa Ako pinagtaksilan sa isang bagay ay hindi nagpapatunay na hindi mo Ako maaaring pagtaksilan sa anumang bagay. Kapag may mga dagok sa samahan nilang mag-asawa, nawawalan ang ibang tao ng kanilang tiwala sa paghahanap sa katotohanan. Tinatalikdan ng ibang tao ang kanilang obligasyon na maging tapat sa Akin sa panahon ng pagkasira ng pamilya. Iniiwan Ako ng ibang tao upang maghanap ng isang sandali ng kagalakan at katuwaan. Ang ibang tao ay mas gugustuhin pang mahulog sa isang madilim na bangin kaysa mabuhay sa liwanag at matamo ang kaluguran ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang ibang tao ay hindi pinapansin ang payo ng mga kaibigan para lang bigyang-kasiyahan ang kanilang pagnanasa sa kayamanan, at kahit ngayon ay hindi kayang kilalanin ang kanilang pagkakamali at baguhin ang kanilang landas. Ang ibang tao ay pansamantalang naninirahan lamang sa ilalim ng Aking ngalan upang matanggap ang Aking pangangalaga, habang ang iba ay sapilitan lang na naglalaan sa Akin nang kaunti sapagkat kumakapit sila sa buhay at takot sa kamatayan. Hindi ba’t ang mga ito at ang iba pang mga imoral na pagkilos, na bukod pa roon ay walang integridad, ay mga pag-uugali lamang na kung saan ang mga tao ay matagal nang pinagtaksilan Ako sa kaibuturan ng kanilang mga puso? Siyempre, alam Kong hindi paunang binabalak ng mga tao ang pagtaksilan Ako; ang pagtataksil nila ay isang natural na pagbubunyag ng kanilang kalikasan. Walang sinuman ang nagnanais na pagtaksilan Ako, at walang sinuman ang masaya sapagkat nakagawa sila ng isang bagay upang pagtaksilan Ako. Sa kabaligtaran, nanginginig sila sa takot, hindi ba? Kaya, iniisip ba ninyo kung paano tutubusin ang mga pagtataksil na ito, at kung paano babaguhin ang kasalukuyang kalagayan?