Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa
Ninanais ninyong lahat na magantimpalaan sa harap ng Diyos at paboran ng Diyos; umaasa ang bawat isa sa mga ganoong bagay kapag nagsimula na silang maniwala sa Diyos, sapagkat abala ang bawat isa sa pagkakamit ng mas matataas na bagay, at walang sinumang ibig mahuli sa iba. Ganito lamang talaga ang mga tao. Dahil mismo sa pag-iisip na ito kaya marami sa inyo ang patuloy na sumusubok magpalakas sa Diyos na nasa langit, subalit sa totoo lang, ang katapatan at pagiging bukas ninyo sa Diyos ay higit na mababa kaysa sa katapatan at pagiging bukas ninyo sa inyong mga sarili. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat hindi Ko kinikilala ni katiting ang katapatan ninyo sa Diyos at, higit pa rito, itinatatwa Ko ang pagkakaroon ng Diyos na nasa mga puso ninyo. Ibig sabihin, ang Diyos na sinasamba ninyo, ang malabong Diyos na hinahangaan ninyo, ay hindi talaga totoo. Ang dahilan kung bakit nasasabi Ko ito nang may katiyakan ay dahil napakalayo ninyo sa tunay na Diyos. Ang diyos-diyosan sa mga puso ninyo ang dahilan ng katapatan ninyo; samantala, para sa Akin, ang Diyos na tinitingnan ninyo na hindi dakila o hamak ay kinikilala lamang ninyo sa mga salita. Kapag sinabi Kong malayo kayo sa Diyos, ang ibig Kong sabihin ay malayo kayo sa tunay na Diyos, habang tila malapit lamang ang malabong Diyos. Kapag sinabi Kong, “hindi dakila,” tumutukoy ito sa kung paanong ang Diyos na pinaniniwalaan ninyo ngayon ay lumalabas na tao lamang na walang mga kahanga-hangang kakayahan, isang taong hindi gaanong dakila. At kapag sinabi Kong, “hindi hamak,” ang ibig sabihin nito ay bagama’t hindi kayang tawagin ng taong ito ang hangin at utusan ang ulan, nagagawa pa rin Niyang tawagin ang Espiritu ng Diyos para gumawa ng gawaing yayanig sa kalangitan at lupa, na nagdudulot sa mga tao na lubos na malito. Sa panlabas, mukha kayong napakamasunurin sa Cristong ito na nasa lupa, subalit sa diwa, wala kayong pananampalataya sa Kanya, ni hindi ninyo Siya minamahal. Ibig sabihin, ang malabong Diyos na iyon ng inyong mga damdamin ang tunay ninyong pinaniniwalaan, at ang tunay ninyong minamahal ay ang Diyos na inyong ninanasa sa gabi at sa araw, subalit hindi pa kailanman nakikita nang harapan. Hindi lubos ang inyong pananampalataya, at wala ang pagmamahal ninyo sa Cristong ito. Paniniwala at pagtitiwala ang kahulugan ng pananampalataya; pagsamba at paghanga sa puso ng isang tao ang ibig sabihin ng pagmamahal, na hindi kailanman mawawalay. Subalit kulang na kulang nito ang pananampalataya at pagmamahal ninyo sa Cristo ng ngayon. Pagdating sa pananampalataya, paano kayo nananampalataya sa Kanya? Pagdating sa pagmamahal, sa paanong paraan ninyo Siya minamahal? Wala talaga kayong pagkaunawa sa disposisyon Niya, at mas lalong kaunti ang pagkaalam ninyo sa Kanyang diwa, kaya paano kayo nananampalataya sa Kanya? Totoo ba ang inyong pananampalataya sa Kanya? Paano ninyo Siya minamahal? Nasaan ang realidad ng inyong pagmamahal sa Kanya?
Marami ang sumusunod sa Akin nang walang pag-aatubili hanggang ngayon. Gayundin, dumanas kayo ng labis na pagkapagod sa nakaraang ilang taon. Malinaw na malinaw Kong nauunawaan ang likas na katangian at mga gawi ng bawat isa sa inyo; labis na nakakapagod ang pakikipag-ugnayan sa bawat isa sa inyo. Ang nakakalungkot ay bagama’t nauunawaan Ko ang maraming bagay tungkol sa inyo, wala kayong nauunawaan sa Akin. Hindi nakapagtataka na sinasabi ng mga tao na napaniwala kayo ng panlilinlang ng kung sino sa isang sandali ng kalituhan. Tunay ngang wala kayong naiintindihan sa Aking disposisyon, at mas lalong hindi ninyo maaarok kung ano ang nasa Aking isipan. Ngayon, tumitindi ang mga maling pagkaunawa ninyo tungkol sa Akin, at nananatiling litong pananampalataya ang pananampalataya ninyo sa Akin. Sa halip na sabihin na may pananampalataya kayo sa Akin, mas nababagay sabihing sinusubukan ninyong lahat na magpalakas at mambola sa Akin. Napakapayak ng mga motibo ninyo: Susundin ko ang sinumang kayang maggantimpala sa akin, at maniniwala ako sa sinumang nagtutulot sa aking makatakas sa malalaking sakuna, Diyos man siya o anumang partikular na Diyos. Wala sa mga ito ang alalahanin Ko. Marami sa inyo ang ganitong klase ng tao, at napakalubha ng kalagayang ito. Kung, isang araw, may isang pagsubok upang malaman kung ilan sa inyo ang may pananampalataya kay Cristo dahil sa kabatiran sa Kanyang diwa, mangangamba Akong wala ni isa man sa inyo ang magiging kasiya-siya sa Akin. Kaya’t hindi na masama para sa bawat isa sa inyo na isaalang-alang ang tanong na ito: Napakalaki ng pagkakaiba sa Akin ng Diyos na pinaniniwalaan ninyo, at yamang ganito, ano kung gayon ang pinakadiwa ng pananampalataya ninyo sa Diyos? Habang mas pinaniniwalaan ninyo ang inyong tinaguriang Diyos, mas lalo kayong lumalayo sa Akin. Kung gayon, ano ang pinakadiwa ng usaping ito? Tiyak na wala ni isa man sa inyo ang nagsaalang-alang kailanman sa katanungang tulad nito, ngunit naisip ba ninyo ang bigat nito? Sumasagi ba sa isipan ninyo ang kahihinatnan ng patuloy na paniniwala sa ganitong paraan?
Ngayon, marami kayong kinakaharap na problema, at wala ni isa man sa inyo ang bihasa sa paglutas sa suliranin. Kung magpapatuloy ang sitwasyong ito, kayo lamang ang matatalo. Tutulungan Ko kayong kilalanin ang mga problema, ngunit kayo ang bahalang lumutas sa mga ito.
Kinalulugdan Ko ang mga hindi mapaghinala sa iba, at gusto Ko ang mga tumatanggap kaagad ng katotohanan; nagpapakita Ako ng labis na pagkalinga sa dalawang uri ng mga taong ito, dahil matatapat silang mga tao sa Aking paningin. Kung mapanlinlang ka, magiging malihim at mapaghinala ka sa lahat ng tao at bagay, kaya ang pananampalataya mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananampalataya. Sa kakulangan ng tunay na pananampalataya, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal. At kung malamang na pagdudahan mo ang Diyos at sinasadya mong gumawa ng haka-haka tungkol sa Kanya, kung gayon walang kaduda-dudang ikaw ang pinakamapanlinlang sa lahat ng tao. Nag-iisip-isip ka kung maaaring maging katulad ng tao ang Diyos: makasalanang di-mapapatawad, mababaw ang pagkatao, salat sa pagiging makatarungan at katwiran, walang pagkaunawa sa katarungan, mahilig sa mapanirang mga kaparaanan, taksil at tuso, nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba’t ang dahilan kaya may ganitong kaisipan ang mga tao ay sapagkat wala sila ni bahagyang kaalaman sa Diyos? Kasalanan talaga ang ganitong uri ng pananampalataya! Mayroon pa ngang ibang naniniwala na ang mga nagbibigay-lugod sa Akin ay ang mga nambobola at sumisipsip, at hindi tatanggapin sa tahanan ng Diyos at mawawalan ng lugar doon ang mga walang kasanayan sa ganoong mga bagay. Ito lamang ba ang tanging kaalamang nakuha ninyo pagkatapos ng maraming taon? Ito ba ang nakamit ninyo? At hindi tumitigil sa mga maling pagkaunawang ito ang kaalaman ninyo sa Akin; mas malala pa ay ang kalapastanganan ninyo sa Espiritu ng Diyos at pinagmumukha ninyong masama sa Langit. Ito ang dahilan kaya sinasabi Kong magdudulot lamang ng lalong paglayo ninyo sa Akin at higit pang pagsalungat sa Akin ang pananampalatayang tulad ng sa inyo. Sa loob ng maraming taon ng gawain, marami na kayong nakitang katotohanan, ngunit alam ba ninyo kung ano ang narinig ng Aking mga tainga? Ilan sa inyo ang handang tanggapin ang katotohanan? Naniniwala kayong lahat na handa kayong bayaran ang halaga ng katotohanan, ngunit ilan sa inyo ang tunay na nagdusa para sa katotohanan? Walang iba kundi pagiging hindi matuwid ang nasa mga puso ninyo, na nagpapaisip sa inyo na ang lahat, maging sino man sila, ay parehong mapanlinlang at buktot—hanggang sa puntong naniniwala pa nga kayo na ang Diyos na nagkatawang-tao, tulad ng karaniwang tao, ay maaaring walang mabuting puso o mapagmalasakit na pagmamahal. Higit pa riyan, naniniwala kayo na sa Diyos na nasa langit lamang umiiral ang isang marangal na katangian at isang mahabagin at mapagmalasakit na kalikasan. Naniniwala kayong walang santong tulad nito, na tanging kadiliman at kasamaan ang naghahari sa lupa, samantalang ang Diyos ay isang bagay na pinaglalagakan ng mga tao ng kanilang pananabik sa mabuti at maganda, isang maalamat na nilalang na gawa-gawa lamang nila. Sa inyong mga isipan, ang Diyos na nasa langit ay lubhang marangal, matuwid, at dakila, karapat-dapat sa pagsamba at paghanga; samantala, itong Diyos na nasa lupa ay panghalili lamang, at isang kasangkapan, ng Diyos na nasa langit. Naniniwala kayo na hindi magiging kapantay ng Diyos na nasa langit ang Diyos na ito, at lalong hindi Siya dapat mabanggit nang tulad ng pagbanggit sa Kanya. Pagdating sa kadakilaan at karangalan ng Diyos, tumutukoy ito sa kaluwalhatian ng Diyos na nasa langit, ngunit pagdating sa kalikasan at sa katiwalian ng tao, mga katangian ito na may bahagi ang Diyos na nasa lupa. Walang-hanggang matayog ang Diyos na nasa langit, samantalang magpakailanmang hamak, mahina, at walang kakayahan ang Diyos na nasa lupa. Hindi nadadala ng bugso ng damdamin ang Diyos na nasa langit, kundi sa pagiging matuwid lamang, samantalang may makasariling dahilan lamang at walang anumang pagkamakatarungan o katwiran ang Diyos na nasa lupa. Wala kahit bahagyang kabuktutan at tapat magpakailanman ang Diyos na nasa langit, samantalang laging may mapandayang katangian ang Diyos na nasa lupa. Mahal na mahal ng Diyos na nasa langit ang tao, samantalang nagpapakita ng hindi sapat na pag-aaruga sa tao ang Diyos na nasa lupa, at lubos pa nga itong pinababayaan. Matagal na sa mga puso ninyo ang maling kaalamang ito at maaari rin itong maipagpatuloy sa hinaharap. Tinitingnan ninyo ang lahat ng gawa ni Cristo mula sa pananaw ng mga hindi matuwid at sinusuri ang lahat ng Kanyang gawain, gayundin ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa, mula sa pananaw ng mga buktot. Nakagawa kayo ng matinding pagkakamali at nagawa ninyo ang hindi pa kailanman nagagawa ng mga nauna sa inyo. Ibig sabihin, pinaglilingkuran lamang ninyo ang dakilang Diyos na nasa langit na may korona sa Kanyang ulo, at hindi kayo kailanman nagsisilbi sa Diyos na itinuturing ninyo na napakahamak kaya hindi ninyo Siya nakikita. Hindi ba’t ito ay inyong kasalanan? Hindi ba ito isang karaniwang halimbawa ng pagkakasala ninyo laban sa disposisyon ng Diyos? Sinasamba ninyo ang Diyos na nasa langit. Sinasamba ninyo ang matatayog na larawan at pinahahalagahan ang mga bantog dahil sa kanilang kahusayang magsalita. Nagagalak kang mautusan ng Diyos na pumupuno sa iyong mga kamay ng mga yaman, at pinananabikan nang labis ang Diyos na makatutupad ng bawat nais mo. Ang Diyos na ito na hindi matayog ang tanging hindi mo sinasamba; ang pakikisama sa Diyos na hindi kayang igalang ng sinuman ang nag-iisang bagay na kinapopootan mo. Ang paglingkuran ang Diyos na hindi kailanman nagbigay sa iyo ng kahit isang sentimo ang tanging bagay na hindi mo handang gawin, at ang hindi kaibig-ibig na Diyos na ito ang Siyang natatangi na hindi magawang panabikin ka sa Kanya. Walang kakayahan ang ganitong Diyos na mapalawak ang mga pananaw mo, na maiparamdam sa iyo na tila ba may natagpuan kang kayamanan, at lalong hindi Niya matutupad ang nais mo. Kung gayon, bakit mo Siya sinusunod? Napag-isipan mo na ba ang mga katanungang tulad nito? Sa ginagawa mo ay hindi ka lamang nagkakasala sa Cristong ito; mas mahalaga, nagkakasala ka sa Diyos na nasa langit. Sa palagay Ko, hindi ito ang layunin ng pananampalataya ninyo sa Diyos!
Inaasam ninyo na kalugdan kayo ng Diyos, subalit napakalayo ninyo sa Diyos. Ano ang problema rito? Ang mga salita lamang Niya ang tinatanggap ninyo, ngunit hindi ang pagwawasto at pagtatabas Niya, lalong hindi ninyo magawang tanggapin ang bawat pagsasaayos Niya, ang magkaroon ng ganap na pananampalataya sa Kanya. Kung gayon, ano ang problema rito? Sa huling pagsusuri, ang inyong pananampalataya ay isang basyong balat ng itlog, iyong hindi kailanman makabubuo ng sisiw. Sapagkat hindi nakapagdala sa inyo ng katotohanan o nakapagbigay sa inyo ng buhay ang inyong pananampalataya, bagkus ay nakapagbigay ito sa inyo ng mapanlinlang na pakiramdam ng pagtustos at pag-asa. Itong pakiramdam ng pagtustos at pag-asa ang layunin ng paniniwala ninyo sa Diyos, hindi ang katotohanan at ang buhay. Kaya’t sinasabi Ko na ang landas ng inyong pananampalataya sa Diyos ay walang iba kundi ang subukang magpalakas sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapaalipin at kawalan ng kahihiyan, at sa kahit anong paraan ay hindi maipapalagay na totoong pananampalataya. Paano isisilang ang isang sisiw sa pananampalatayang tulad nito? Sa madaling salita, ano ang magagawa ng pananampalatayang tulad nito? Ang layunin ng pananampalataya ninyo sa Diyos ay gamitin Siya upang makamit ang inyong mga layunin. Hindi ba ito dagdag na katotohanan na nagkakasala kayo laban sa disposisyon ng Diyos? Naniniwala kayo na mayroong Diyos na nasa langit at itinatatwa ninyo ang Diyos na nasa lupa, subalit hindi Ko kinikilala ang mga pananaw ninyo; pinapupurihan Ko lamang ang mga taong pinananatili ang mga paa nila sa lupa at naglilingkod sa Diyos na nasa lupa, ngunit hindi kailanman ang mga hindi kumikilala sa Cristo na nasa lupa. Gaano man katapat sa Diyos na nasa langit ang ganitong mga tao, sa huli ay hindi pa rin nila matatakasan ang Aking kamay na nagpaparusa sa masasama. Masasama ang mga taong ito; sila ang mga masasamang sumasalungat sa Diyos at hindi kailanman masayang sumunod kay Cristo. Mangyari pa, kasama sa kanilang bilang ang lahat ng hindi nakakikilala, at, dagdag pa rito, hindi kumikilala kay Cristo. Naniniwala ka ba na maaari mong itrato si Cristo ayon sa iyong kagustuhan hangga’t tapat ka sa Diyos na nasa langit? Mali! Kamangmangan sa Diyos na nasa langit ang kamangmangan mo kay Cristo. Gaano ka man katapat sa Diyos na nasa langit, walang kabuluhang pagsasalita at pagkukunwari lamang ito, dahil ang Diyos na nasa lupa ay hindi lamang nakatutulong sa pagtanggap ng tao sa katotohanan at sa pagkakaroon ng mas malalim na karunungan, ngunit higit pa riyan ay nakatutulong sa pagkondena ng tao at, pagkatapos, sa pagsunggab sa mga katotohanan upang parusahan ang masasama. Naintindihan mo ba rito ang mga pakinabang at mga nakapipinsalang kalalabasan? Naranasan mo ba ang mga ito? Hiling Ko para sa inyo na maintindihan mo balang-araw ang katotohanang ito: Para makilala ang Diyos, kailangan ninyong makilala hindi lamang ang Diyos na nasa langit kundi, higit pang mahalaga, ang Diyos na nasa lupa. Huwag kayong malito sa inyong mga prayoridad o hayaang mahalinhan ng pangalawa ang pangunahin. Tanging sa ganitong paraan ka lamang tunay na makabubuo ng magandang ugnayan sa Diyos, magiging higit na malapit sa Diyos, at higit na mailalapit ang puso mo sa Kanya. Kung isa kang mananampalataya sa loob ng maraming taon at matagal nang nauugnay sa Akin, subalit nananatiling malayo sa Akin, kung gayon ay sinasabi Ko na iyan ay dahil madalas kang nagkakasala sa disposisyon ng Diyos, at magiging napakahirap kalkulahin ang katapusan mo. Kung ang maraming taon ng kaugnayan mo sa Akin ay hindi lamang nabigong baguhin ka para maging isang taong nagtataglay ng pagkatao at ng katotohanan, ngunit, bukod dito ay naitanim ng mga ito ang masama mong mga gawi sa iyong kalikasan, at hindi lamang may makadalawang ulit na pagmamataas ka kaysa dati, kundi dumami rin ang mga maling pagkakaintindi mo sa Akin, kaya’t tinitingnan mo na Ako ngayon bilang abang alalay, kung gayon ay sinasabi Ko na hindi na lamang paimbabaw ang sakit mo ngunit tumagos na sa mismong mga buto mo. Ang nalalabi na lamang ay hintayin mong matapos ang pagsasaayos ng iyong libing. Hindi mo na kailangang magsumamo sa Akin upang maging Diyos mo, dahil nakagawa ka ng kasalanang nararapat sa kamatayan, isang kasalanang walang kapatawaran. Magkaroon man Ako ng habag sa iyo, igigiit ng Diyos na nasa langit na kunin ang buhay mo, dahil hindi pangkaraniwang suliranin ang pagkakasala mo laban sa disposisyon ng Diyos, ngunit isang may napakalubhang kalikasan. Pagdating ng oras, huwag mo Akong sisisihin na hindi Kita kaagad sinabihan. Bumabalik ang lahat dito: Kapag nakipag-ugnayan ka kay Cristo—ang Diyos na nasa lupa—bilang pangkaraniwang tao, ibig sabihin, kung naniniwala kang walang iba kundi isang tao lamang ang Diyos na ito, ay saka ka lamang na mamamatay ka. Ito lamang ang babala Ko sa inyong lahat.