Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2
Ang kalikasan ng tao ay ganap na naiiba sa Aking diwa, sapagkat ang tiwaling kalikasan ng tao ay lubos na nagmumula kay Satanas; ang kalikasan ng tao ay naproseso na at nagawa nang tiwali ni Satanas. Ibig sabihin, nabubuhay ang tao sa ilalim ng impluwensya ng kasamaan at kapangitan nito. Ang tao ay hindi lumalaki sa isang mundo ng katotohanan o sa isang banal na kapaligiran, at lalo namang hindi nabubuhay ang tao sa liwanag. Samakatuwid, hindi posibleng taglayin ninuman ang katotohanan sa kanilang kalikasan mula sa pagsilang, at lalong hindi maisisilang ang sinuman nang may diwang may takot at sumusunod sa Diyos. Sa kabaligtaran, nagtataglay ang mga tao ng isang kalikasang lumalaban sa Diyos, sumusuway sa Diyos, at walang pagmamahal sa katotohanan. Ang kalikasang ito ang problemang nais Kong talakayin—ang pagtataksil. Ang pagtataksil ang pinagmumulan ng paglaban ng bawat tao sa Diyos. Ito ay isang problemang umiiral lamang sa tao, at hindi sa Akin. Itatanong ng ilan: Yamang nabubuhay ang lahat ng tao sa mundo gaya ni Cristo, bakit mayroon ang lahat ng tao ng mga kalikasang nagtataksil sa Diyos, subalit si Cristo ay wala? Ito ay isang problemang kailangang ipaliwanag nang malinaw sa inyo.
Ang batayan ng pag-iral ng sangkatauhan ay ang paulit-ulit na muling pagkakatawang-tao ng kaluluwa. Sa madaling salita, bawat tao ay nagtatamo ng isang pantaong buhay sa laman kapag muling nagkakatawang-tao ang kanilang kaluluwa. Matapos isilang ang katawan ng isang tao, nagpapatuloy ang buhay nito hanggang maabot nito sa huli ang mga hangganan nito, na siyang pangwakas na sandali, kung kailan nililisan ng kaluluwa ang katawan nito. Nagpapaulit-ulit ang prosesong ito, na ang kaluluwa ng isang tao ay paulit-ulit na dumarating at umaalis, at sa gayon ay napapanatili ang pag-iral ng sangkatauhan. Ang buhay ng laman ay ang buhay rin ng kaluluwa ng tao, at ang kaluluwa ng tao ang sumusuporta sa pag-iral ng laman ng tao. Na ang ibig sabihin, ang buhay ng bawat tao ay nagmumula sa kanilang kaluluwa, at ang buhay ay hindi likas sa laman. Samakatuwid, nanggagaling ang kalikasan ng tao sa kaluluwa, hindi sa laman. Tanging ang kaluluwa ng bawat tao ang nakakaalam kung paano nila naranasan ang mga panunukso, pagpapahirap, at katiwalian ni Satanas. Hindi nalalaman ng laman ng tao ang mga bagay na ito. Kaya, di-sinasadyang nagiging padilim nang padilim, parumi nang parumi, at pasama nang pasama ang sangkatauhan, habang palaki nang palaki ang agwat sa pagitan Ko at ng tao, at padilim nang padilim ang buhay para sa sangkatauhan. Ang mga kaluluwa ng sangkatauhan ay hawak ni Satanas sa mga kamay nito, kaya, siyempre, ang laman ng tao ay nasakop na rin ni Satanas. Paanong hindi kakalabanin ng laman na tulad nito at ng sangkatauhang ito ang Diyos? Paano sila magiging likas na kaayon Niya? Itinapon Ko sa hangin si Satanas dahil pinagtaksilan Ako nito. Paano, kung gayon, mapapalaya ang mga tao sa pagkakasangkot nila? Ito ang dahilan kung bakit ang pagtataksil ay kalikasan ng tao. Umaasa Akong sa sandaling maunawaan ninyo ang pangangatwirang ito, dapat din kayong magkaroon ng kaunting paniniwala sa diwa ni Cristo. Ang katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos ay ang sariling katawang-tao ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ang pinakamataas; Siya ay makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Gayon din, ang Kanyang katawang-tao ay pinakamataas, makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Ang magagawa lamang ng katawang-taong ito ay yaong matuwid at makakabuti sa sangkatauhan, yaong banal, maluwalhati, at makapangyarihan; wala Siyang kakayahang gumawa ng anumang bagay na labag sa katotohanan, na labag sa moralidad at katarungan, at lalong wala Siyang kakayahang gumawa ng anuman na magtataksil sa Espiritu ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ay banal, at sa gayon ay hindi magagawang tiwali ni Satanas ang Kanyang katawang-tao; ang Kanyang katawang-tao ay naiiba ang diwa kaysa laman ng tao. Sapagkat ang tao, hindi ang Diyos, ang siyang ginawang tiwali ni Satanas; hindi posibleng magawang tiwali ni Satanas ang katawang-tao ng Diyos. Kaya, sa kabila ng katunayan na iisa ang espasyong tinitirhan ng tao at ni Cristo, ang tao lamang ang pinaghaharian, kinakasangkapan, at binibitag ni Satanas. Sa kabaligtaran, si Cristo ay hindi tinatablan ng katiwalian ni Satanas magpakailanman, dahil hindi magkakaroon ng kakayahan si Satanas kailanman na umakyat sa kataas-taasang lugar, at hindi magagawang lumapit sa Diyos kailanman. Ngayon, dapat ninyong maunawaang lahat na ang sangkatauhan lamang, na nagawa nang tiwali ni Satanas, ang siyang nagtataksil sa Akin. Ang pagtataksil ay hindi kailanman magiging isang isyu na kasasangkutan ni Cristo kahit kaunti.
Lahat ng kaluluwang ginawang tiwali ni Satanas ay nasa ilalim ng pagkaalipin sakapangyarihan ni Satanas. Yaon lamang mga naniniwala kay Cristo ang naihiwalay na, nailigtas mula sa kampo ni Satanas, at nadala sa kaharian ngayon. Hindi na nabubuhay ang mga taong ito sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Gayunpaman, ang kalikasan ng tao ay nakaugat pa rin sa laman ng tao, na ibig sabihin ay bagama’t naligtas na ang inyong kaluluwa, ang inyong kalikasan ay gaya pa rin ng dati, at ang posibilidad na pagtataksilan ninyo Ako ay nananatiling isandaang porsiyento. Ito ang dahilan kung bakit tumatagal nang napakatagal ang Aking gawain, sapagkat ang inyong kalikasan ay mahirap kontrolin. Ngayon, lahat kayo ay nagdaraan sa mga paghihirap hangga’t makakaya ninyo habang tinutupad ninyo ang inyong mga tungkulin, subalit bawat isa sa inyo ay may kakayahang pagtaksilan Ako at bumalik sakapangyarihan ni Satanas, sa kampo nito, at bumalik sa dati ninyong buhay—hindi maikakaila ang katotohanang ito. Sa panahong iyon, hindi magiging posibleng may makita sa inyo ni katiting na pagkatao o wangis ng tao, na kagaya ninyo ngayon. Sa mga seryosong kaso, kayo ay wawasakin at, higit pa riyan, mapapahamak kayo nang walang-hanggan, parurusahan nang matindi, hindi na kailanman muling magkakatawang-tao. Ito ang problemang nakalahad sa inyong harapan. Pinaaalalahanan Ko kayo sa ganitong paraan, una, upang hindi mawalan ng saysay ang Aking gawain, at pangalawa, upang makapamuhay kayong lahat sa mga panahon ng liwanag. Sa totoo lang, ang malaking problema ay hindi kung may saysay ang Aking gawain o wala. Ang mahalaga ay nagagawa ninyong mabuhay nang masaya at magkaroon ng magandang hinaharap. Ang Aking gawain ay ang gawain ng pagliligtas sa kaluluwa ng mga tao. Kung mahulog ang iyong kaluluwa sa mga kamay ni Satanas, hindi mabubuhay nang payapa ang iyong katawan. Kung pinangangalagaan Ko ang iyong katawan, tiyak na nasa ilalim din ng Aking pangangalaga ang iyong kaluluwa. Kung talagang kinamumuhian kita, mahuhulog kaagad ang iyong katawan at kaluluwa sa mga kamay ni Satanas. Naiisip mo ba ang sitwasyon mo kapag nagkagayon? Kung, isang araw ay mawala sa inyo ang Aking mga salita, ipapasa Ko kayong lahat kay Satanas, na isasailalim kayo sa napakasakit na pagpapahirap hanggang sa lubos na mapawi ang Aking galit, o kaya’y parurusahan Ko nang personal kayong mga taong hindi na matutubos, sapagkat ang inyong pusong nagtataksil sa Akin ay hindi na magbabago kailanman.
Dapat ninyong lahat tingnan ngayon ang mga sarili ninyo agad-agad, upang makita kung gaano kalaking pagtataksil sa Akin ang nasasainyo pa. Sabik Akong naghihintay sa inyong tugon. Huwag ninyo Akong pakitunguhan nang basta-basta. Kailanma’y hindi Ako nakikipaglaro sa mga tao. Kung sinasabi Kong gagawin Ko ang isang bagay ay tiyak na gagawin Ko ito. Umaasa Akong ang bawat isa sa inyo ay magiging isang taong sineseryoso ang mga salita Ko, at hindi ipinagpapalagay ang mga iyon na kathang-isip na agham. Ang nais Ko ay kongkretong pagkilos mula sa inyo, hindi ang inyong mga haka-haka. Sunod, dapat ninyong sagutin ang mga tanong Ko, na ang mga sumusunod:
1. Kung tunay kang isang taga-serbisyo, makakapaglingkod ka ba sa Akin nang matapat, nang walang anumang bahid ng pagpapabaya o pagiging negatibo?
2. Kung malaman mong hindi kita napahalagahan kailanman, makakayanan mo pa rin bang manatili at maglingkod sa Akin habambuhay?
3. Kung nananatili pa rin Akong masyadong malamig sa iyo bagama’t gumugol ka na ng matinding pagsisikap, makakaya mo bang magpatuloy na gumawa para sa Akin kahit hindi napapansin?
4. Kung, pagkatapos mong gumugol para sa Akin, hindi Ko tinutugunan ang maliliit mong hinihingi, masisiraan ka ba ng loob at madidismaya sa Akin, o magiging galit na galit pa at sisigaw pa ng pang-aabuso?
5. Kung palagi ka nang naging napakatapat, nang may malaking pagmamahal sa Akin, ngunit nagdurusa ka ng pagpapahirap ng sakit, ng kasalatan sa buhay, at ng pang-iiwan ng iyong mga kaibigan at kamag-anak, o kung nagtitiis ka ng anumang iba pang mga kasawian sa buhay, magpapatuloy pa rin ba ang iyong katapatan at pagmamahal sa Akin?
6. Kung wala sa anumang naguni-guni mo sa puso mo ang tumutugma sa kung ano ang nagawa Ko, paano ka lalakad sa landas mo sa hinaharap?
7. Kung hindi mo natatanggap ang alinman sa mga bagay na inasahan mong matanggap, makakapagpatuloy ka bang maging tagasunod Ko?
8. Kung hindi mo kailanman naunawaan ang layunin at kabuluhan ng gawain Ko, magiging isa ka bang masunuring taong hindi basta-basta gumagawa ng mga paghatol at mga konklusyon?
9. Mapapahalagahan mo ba ang lahat ng salitang sinabi Ko at lahat ng gawaing ginawa Ko habang kasama Ko ang sangkatauhan?
10. Kaya mo bang maging matapat Kong tagasunod, nakahandang magdusa para sa Akin habambuhay, kahit na hindi ka tumatanggap ng anumang bagay?
11. Alang-alang sa Akin, kaya mo bang hindi magsaalang-alang, magplano, o maghanda para sa iyong landas ng pananatiling buhay sa hinaharap?
Kinakatawan ng mga tanong na ito ang Aking mga pangwakas na kinakailangan sa inyo, at inaasahan Kong lahat kayo ay makakatugon sa Akin. Kung nagampanan mo na ang isa o dalawang bagay na hinihingi sa iyo ng mga katanungang ito, kinakailangan mo pa ring ipagpatuloy ang paggawa nang masigasig. Kung hindi mo kayang tuparin ni isa sa mga kinakailangang ito, tiyak na ikaw ang uri ng taong itatapon sa impiyerno. Wala Akong kailangang sabihing anumang karagdagan pa sa ganoong mga tao, sapagkat sila ay tiyak na hindi mga tao na kayang maging kaayon Ko. Paano Ko pananatilihin sa tahanan Ko ang isang taong maaaring magtaksil sa Akin sa anumang pagkakataon? Pagdating naman sa mga yaong maaari pa ring magtaksil sa Akin sa karamihan ng mga pagkakataon, pagmamasdan Ko ang kanilang pagganap bago gumawa ng ibang mga pagsasaayos. Subalit, ang lahat ng may kakayahang magtaksil sa Akin, sa ilalim ng anumang kundisyon, hindi Ko kailanman kakalimutan; aalalahanin Ko sila sa Aking puso, at maghihintay Ako ng pagkakataong suklian ang masasama nilang gawa. Ang mga kinakailangang nabanggit Ko ay lahat mga problemang dapat ninyong siyasatin sa inyong mga sarili. Inaasahan Kong kaya ninyong lahat na seryosong isaalang-alang ang mga ito at hindi Ako pakitunguhan nang basta-basta. Sa nalalapit na hinaharap, ikukumpara Ko ang mga sagot na ibinigay ninyo sa Akin sa mga kinakailangan Ko. Sa panahong iyon, hindi na Ako mangangailangan pa ng anumang bagay mula sa inyo at hindi na magbibigay pa sa inyo ng marubdob na pagpapaalala. Sa halip, gagamitin Ko ang awtoridad Ko. Yaong mga dapat panatiliin ay pananatiliin, yaong mga dapat gantimpalaan ay gagantimpalaan, yaong mga dapat ibigay kay Satanas ay ibibigay kay Satanas, yaong mga dapat parusahan nang mabigat ay parurusahan nang mabigat, at yaong mga dapat mamatay ay wawasakin. Sa ganoong paraan, hindi na magkakaroon ng sinumang gagambala sa Akin sa mga araw Ko. Naniniwala ka ba sa mga salita Ko? Naniniwala ka ba sa paghihiganti? Naniniwala ka bang parurusahan Kong lahat yaong masasama na nanlilinlang at nagtataksil sa Akin? Hinihiling mo bang dumating ang araw na iyon nang mas maaga o nang mas huli? Isa ka bang taong takot na takot sa kaparusahan, o isang lalaban sa Akin kahit pa magtiis sila ng kaparusahan? Kapag dumating ang araw na iyon, naguguni-guni mo ba kung mamumuhay ka sa gitna ng mga kasiyahan at tawanan, o kung iiyak ka at magngangalit ang mga ngipin mo? Anong uri ng katapusan ang nais mong magkaroon ka? Kailanman ba’y seryoso mo nang naisaalang-alang kung naniniwala ka sa Akin nang isandaang porsiyento o nagdududa sa Akin nang isandaang porsiyento? Kailanman ba ay maingat mo nang naisaalang-alang kung anong uri ng mga kahihinatnan at kalalabasan ang idudulot sa iyo ng mga pagkilos at pag-uugali mo? Talaga bang umaasa kang matutupad isa-isa ang lahat ng salita Ko, o takot na takot ka bang matutupad isa-isa ang mga salita Ko? Kung umaasa kang aalis Ako sa lalong madaling panahon upang tuparin ang mga salita Ko, paano mo dapat tratuhin ang sarili mong mga salita at mga pagkilos? Kung hindi ka umaasa sa paglisan Ko at hindi umaasa na matutupad kaagad ang lahat ng salita Ko, bakit ka pa naniniwala sa Akin? Talaga bang alam mo kung bakit ka sumusunod sa Akin? Kung ang dahilan mo ay upang palawakin lamang ang naaabot ng iyong paningin, hindi mo kinakailangang magpakahirap pa. Kung ito ay upang pagpalain ka at makaiwas sa parating na sakuna, bakit hindi ka nag-aalala sa sarili mong pag-uugali? Bakit hindi mo tinatanong ang sarili mo kung matutugunan mo ba ang mga kinakailangan Ko? Bakit hindi mo rin tinatanong ang sarili mo kung karapat-dapat ka bang tumanggap ng mga darating na pagpapala?