32. Isang Pambihirang Tagumpay

Ni Fangfang, Tsina

Nananalig ang buong pamilya namin sa Panginoong Jesus, at samantalang isa lang akong karaniwang mananampalataya sa aming iglesia, ang aking ama noon ay isa sa mga kapwa-manggagawa sa iglesia. Noong Pebrero 2004, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at ipinangaral ko kaagad ang ebanghelyo ng kaharian sa bunsong kapatid kong babae. Dati-rati ay plano kong magpatotoo sa gawain ng Diyos sa mga huling araw sa aking ama matapos kong sangkapan ang aking sarili ng ilan sa mga salita at katotohanan ng Diyos. Ngunit sa gulat ko, nang mabalitaan ng aking ama na tinanggap ko na ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, galit na galit siya, at sinubukang gambalain at hadlangan ang aking paniniwala.

Isang gabi, nagpunta sa bahay ang aking ama na inis na inis at pagalit na sinabi sa akin, “Hindi ako makapaniwala na babalewalain mo ang payo ko at ng lider ng ating iglesia at maniniwala ka sa Kidlat ng Silanganan! Mabuti pa bilisan mo na’t magpunta ka sa bahay ng lider at magsisi, at ihingi mo ng tawad sa Panginoon ang mga kasalanan mo!” Sumagot ako, “Itay, marami na akong nabasang salita ng Makapangyarihang Diyos at naniniwala talaga ako na ang mga ito ang tinig ng Diyos. Ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus, at nakatitiyak ako sa aking pananampalataya. Tapos na ang Kapanahunan ng Biyaya, at ngayon ay nasa Kapanahunan ng Kaharian na tayo. Naparito ang Diyos para gumawa ng bagong gawain at dalhin tayo sa piging ng kasal ng Cordero. Hindi ba sinasabi sa Biblia, ‘At ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Cordero saanman Siya pumaroon(Pahayag 14:4)? Sa pananalig sa Makapangyarihang Diyos, sinusundan ko ang mga yapak ng Cordero….” Ngunit anuman ang sinabi ko, hindi interesado ang aking ama na pakinggan ang anuman doon at patuloy na iginiit na samahan akong makipagkita sa lider ng aming iglesia. Nakisali rin ang asawa ko sa pamimilit sa akin. Nabasa ko sa mukha ng aking ama na lubos siyang determinadong ibalik ako sa dati kong iglesia. Natanto ko na tumitindi ang mga damdamin at talagang pinipilit nila ako, at hindi ko maiwasang kabahan nang kaunti. Kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos at hiniling kong pangalagaan at patnubayan Niya ako. Sabi ko na nga ba, hindi na nila ako hinayaang makapagsalita pa, pinagmaneho ng aking ama ang asawa ko para dalhin kaming lahat sa pinagmimitingan ng dati kong iglesia. Nang pumasok ako sa kuwarto at makita ko ang 60 o 70 taong naghihintay roon—kabilang na ang bunsong kapatid ko, na dinala roon ng biyenan niyang babae—natanto ko na planado ang miting na ito at na pagtutulungan nila kaming dalawa. Kakaiba ang tingin ng lahat ng nasa kuwarto sa aming magkapatid, at nakaturo sa amin ang ilan sa kanila at nagbubulungan. Nilapitan kami ng aming nakatataas na lider at agad kaming hinimok na tumigil sa pananalig sa Makapangyarihang Diyos. Pagkatapos ay walang-habas siyang nagsimulang isumpa at lapastanganin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Nagsabi pa siya ng napakaraming kasinungalingan, tulad ng, “Ang mga taong sumasapi sa Kidlat ng Silanganan ay hinding-hindi na makakaalis, at kung makatakas man sila ay puputulin ang kanilang ilong at dudukutin ang kanilang mga mata….” Sa pagbanggit ng mga kasinungalingang ito at pagpapagalit sa kongregasyon, lalo pang pinagalit at pinabalisa ng lider ang aking ama at ang biyenan ng kapatid ko, at pinapikit nila kami at hiniling sa lider na ipagdasal kami. Bagama’t nainis ako sa ginagawa nila, at wala kaming sinabing anuman noong ipinagdarasal kami ng lider, nakintal na nang malalim sa aking isipan ang mga kasinungalingang nasabi ng lider.

Pauwi, dinig ko pa rin ang nakakakilabot na mga kasinungalingang umuugong sa aking mga tainga at gumugulo sa kapayapaan ng aking isipan. Ni hindi ako makatuon sa mga salita ng Diyos. Pinag-isipan ko kung paanong matagal-tagal ko nang nakontak si Sister Zhang ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos at kung paanong lagi siyang disente at napakahusay kapwa sa kanyang pananalita at pag-uugali. Nagpakita rin ng malaking pagmamahal si Sister Zhang sa paraan ng kanyang pakikibahagi sa amin at hindi iyon katulad ng nailarawan ng lider ng iglesia. Ngunit ang pinakamahalaga ay na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan, at puno ng awtoridad at kapangyarihan. Walang sinumang taong maaaring magpahayag ng gayong mga salita at naisip ko na malamang ay mga pagbigkas iyon ng Diyos. Kaya bakit napakaraming nakakatakot na tsismis sa paligid ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos? Kaya nga, buong magdamag akong pabiling-biling sa kama, hindi makatulog dahil paulit-ulit na nagsalitan ang positibo at negatibo sa aking isipan. Kinabukasan inaantok ako at matamlay—namomroblema sa isang paraan na mahirap ipaliwanag—at parang tinatamad ako. Lumapit ang bunsong kapatid ko, at di-nagtagal ay naging malinaw na hindi niya nakayanan na pinagtulungan siya ng lider at ng biyenan niyang babae. Ayaw na niyang mangahas na manalig sa Makapangyarihang Diyos at ngayon ay hinihimok niya akong huminto na rin sa aking pananalig sa Makapangyarihang Diyos. Balisang sinabi ko sa kanya, “Bunso, alam kong nag-aalala ka, at litung-lito at nababalisa rin ako, tulad mo. Pero napag-isipan ko na nang husto ang problemang ito, at ipinagdasal ko na rin sa Panginoon na patnubayan ako, kaya nga anuman ang sabihin ng lider at ng iba pa, makatitiyak tayo sa isang bagay, at iyon ay na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay hindi maaaring nawika ng isang tao kailanman. Natitiyak ko na ang mga salitang ito ay tinig ng Diyos. Maraming beses ko nang nabasa ang Ang Balumbon na Binuksan ng Cordero, at inihahayag ng aklat na ito ang mga hiwaga ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos. Itinuro sa akin ng pagbabasa ng aklat na ito na may tatlong yugto sa gawain ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at na ang gawain ng paghatol na may mga salita ng mga huling araw ang gawaing magliligtas sa tao sa huli. Ang gawain ng paghatol lamang ang magbibigay-kakayahan sa atin na tunay na makawala sa mga gapos ng ating pagiging likas na makasalanan at magtamo ng pagdadalisay para maiangat tayo sa kaharian ng langit. Ang nilalaman ng aklat ay lubos na naaayon sa mga propesiya ng Panginoon sa Biblia at naglalaman ng mga katotohanang hindi matatagpuan sa Biblia. Diyos lamang ang makakaalam sa mga katotohanan at hiwagang ito. Kaya nga lubos akong nakatitiyak na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay ang tinig ng Diyos at na ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus na napakatagal na nating inaasam! Bunso, hindi mali ang ating pananampalataya. Anuman ang gawin mo, huwag mong isuko ang tunay na daan nang gayon kadali!” Pagkaalis ng bunso kong kapatid, nalungkot ako nang husto at naisip ko: “Malinaw na ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus. Talagang totoong-totoo at tama iyon. Kaya bakit ayaw kaming hayaan ng lider ng iglesia at ng aming pamilya na manalig sa Kanya?” Habang iniisip ko ito, tumunog ang cell phone ng asawa ko. Ang tatay ko iyon, at gusto niya akong papuntahin kaagad sa bahay niya. Walang kaduda-duda na liligaligin na naman ako ng aking ama, kaya sinabi ko na ayaw kong pumunta, pero sinunggaban ako ng asawa ko at kinaladkad papunta sa kotse. Pagdating ko sa bahay ng aking ama, nakita ko na naroon na ang bunsong kapatid ko at ang biyenan niyang babae. Nang makita ako ng aking ama, tumigas ang mukha niya, at sinabi niya, “Kagabi ipinagdasal ng lider ng iglesia ang pagbabayad ng iyong mga kasalanan sa harap ng Panginoong Jesus. Pero wala pang sinuman sa inyo ang nangumpisal ng inyong mga kasalanan at nagsisi. Pinapunta ko kayong dalawa rito ngayon para makapagdasal kayo ng lubos na pagsisisi sa harap ng Panginoon, at para hindi kayo manalig na muli sa Makapangyarihang Diyos kailanman….” Nang marinig kong lahat ito, nainis na ako nang lubusan. Naisip ko sa sarili ko: “Sa pagtanggap sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw sinusundan ko ang mga yapak ng Cordero at tinatanggap ang pagbalik ng Panginoon. Ano ang kasalanan doon? Hindi ako sadyang magsisinungaling at magsasalita nang walang kapararakan.” Nakikitang hindi ako magdarasal ng pagsisisi, sinimulan akong pagtulungan ng mga magulang ko at ng biyenang babae ng kapatid ko. Sinimulan nilang siraan ng puri at lapastanganin ang Makapangyarihang Diyos at ulit-ulitin ang nakakakilabot na mga kasinungalingang iyon para pilitin akong mangumpisal at magsisi. Habang umiikot sa aking isipan ang lahat ng kasinungalingang iyon at patuloy akong pinagtutulungan ng pamilya ko, kinapos ako ng hininga, at nagsimula akong mahilo at manghina. Naisip ko sa sarili ko: “Kung patuloy nila akong pipilipitin nang ganito araw-araw, hindi ko makokontak ang mga kapatid ni hindi ko mababasa nang wasto ang mga salita ng Diyos. Palagay ko ay hindi ko magagawang tumahak sa partikular na landas na ito ng pananampalataya sa Diyos….” Sa sandaling iyon, sinunggaban ako ng aking mga magulang at ng biyenang babae at pinilit nila kami ng kapatid ko na pumikit at magsisi. Nakikita kung gaano sila ka-agresibong kumilos, inis na inis ako, at hindi ko mapigil na bumalong ang mga luha sa aking mga mata. Habang umiiyak, nagdasal ako sa Panginoon: “O Panginoong Jesus, alam ko na nagbalik ka na bilang Makapangyarihang Diyos, pero ngayon mismo’y wala akong lakas ng loob na manalig sa Iyo. Nakikiusap ako na patawarin Mo ako at patawarin Mo ang aking mga kasalanan.” Sa puntong ito ng aking panalangin, panay ang hikbi ko kaya hindi ako makapagpatuloy, kaya’t natapos ang aking panalangin. Pagkatapos niyon, bigla akong nabobo, nawalan ako ng lakas ng loob, at hindi ko man lang madama ang presensya ng Diyos. Naasiwa akong masyado, at sinabi ko sa bunso kong kapatid, “Bago ang panalanging iyon ng pagsisisi nadama ko na may kaunti pa akong lakas, pero matapos kong usalin iyon para akong nanlata, para bang nilisan ako ng Banal na Espiritu. Ang totoo, ang pananalig sa Makapangyarihang Diyos ay pagsunod sa Panginoon, at sa pag-usal ng panalanging iyon ng pagsisisi napagtaksilan natin ang Panginoon.”

Nagpatuloy ang pagtatalo sa puso ko pagdating ko sa bahay. Napakarami ko nang nabasang salita ng Makapangyarihang Diyos at natanggap ko nang binigkas nga ng Diyos ang mga iyon. Alam ko na ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus at na ang hindi pagtanggap sa Kanya ay pagtataksil sa Diyos, na maghahantong sa akin hindi lamang sa kabiguang magtamo ng kaligtasan, kundi ang isumpa rin ng Diyos. Ngunit kung iginiit kong manalig sa Makapangyarihang Diyos, siguradong patuloy akong liligaligin ng lider ng iglesia at ng aking ama at hindi na ako mapapayapa kailanman. Talagang pakiramdam ko ay wala akong lakas ng loob na magpatuloy sa aking pananampalataya. Gulung-gulo ang aking isipan, naharap ako sa mga paghihirap saan man ako bumaling, at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Pumipintig ang ulo ko, at pakiramdam ko ay malapit-lapit na akong masiraan ng bait. Gusto kong papuntahin si Sister Zhang para maibalik ko sa kanya ang aklat ng mga salita ng Diyos, nang sa gayon ay hindi na ako masaktan sa buhay na ito.

Makalipas ang ilang araw, nagpunta sa tindahan si Sister Zhang para suportahan ako. Kabadong-kabado ako, dahil nag-alala ako na baka makita siya ng asawa ko at magsumbong siya sa aking ama. Kaya nga, humihingal kong sinabi sa kanya ang lahat ng nangyari sa nakaraang ilang araw. Pagkatapos ay dali-dali kong inilabas ang aklat ng mga salita ng Diyos na naitago ko sa ilalim ng ilang kahon ng mga paninda at ibinigay iyon sa kanya. Sinabi ko sa kanya, “Sister, nililigalig ako ng aking mga magulang at asawa, at pinipigilan ako nang husto ng mga lider at kapatid sa dati kong iglesia kaya pagod na pagod ang isipan ko sa pag-aalala. Hindi ko na ito matatagalan, kaya pakiusap, kunin mo na ang aklat na ito.” Tiningnan ako ni Sister Zhang, at lubos na katapatang sinabi, “Sister, tinanggap na natin ang bagong gawain ng Diyos sa mga huling araw, kaya ang paggambala at pamimilit na ito mula sa mga lider ng relihiyon at pamilya ay totoong isang pakikibakang nangyayari sa espirituwal na dako! Sabi ng Panginoong Jesus: ‘Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa: hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak(Mateo 10:34). ‘At ang magiging kaaway ng tao ay ang kaniya ring sariling kasangbahay(Mateo 10:36). Mula sa mga salita ng Panginoon makikita natin na ang pagparito ng Diyos sa lupa para gawin ang gawain ng pagliligtas ay di-maiiwasang mauwi sa isang pakikibaka sa espirituwal na dako. Iyan ay dahil ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan ay susundan ang Diyos kapag naririnig nila ang mga pagbigkas ng Diyos. Hindi maaaring hindi ito magpasimula ng pagkapoot ng lahat ng sawa na sa katotohanan, namumuhi sa katotohanan, at nilalabanan ang Diyos. Dahil dito, ang dalawang panig—ang positibo, na pag-aari ng Diyos, at ang negatibo, na pag-aari ni Satanas—ay mahahayag at bawat isa ay ihihiwalay ayon sa sarili nilang uri. Ito ang pagka-makapangyarihan sa lahat at karunungan ng Diyos! Noong unang simulan ng Panginoong Jesus na gawin ang Kanyang gawain, maraming ordinaryong Judio na nakarinig sa mga binigkas ng Panginoong Jesus at nakasaksi sa Kanyang dakilang kapangyarihan ang naniwala na ang Panginoong Jesus ang Mesiyas na naipropesiya, kaya sinundan nila Siya. Ngunit lahat ng punong saserdote, eskriba at Fariseong Judio, na nakakita sa mga karaniwang tao na tinatalikuran sila at sinusundan ang Panginoong Jesus, ay nagsimulang magtahi-tahi at magpakalat ng maraming tsismis para linlangin ang mga karaniwang tao. Sabi nila, umasa ang Panginoong Jesus kay Beelzebub na hari ng mga demonyo para magpalayas ng mga demonyo, at na Siya ay matakaw at mahilig uminom ng alak. At nang mabuhay na mag-uli ang Panginoong Jesus, sinuhulan nila ang mga sundalong Romano ng pilak para magtahi-tahi at magpakalat ng tsismis na ang katawan ng Panginoong Jesus ay ninakaw ng Kanyang mga disipulo. Ito ang ilan sa mga paraang sinubukan nila para hadlangan ang mga tao na tanggapin ang pagliligtas ng Panginoong Jesus. At ano ang nangyari sa huli sa lahat ng Judio na naniwala sa sinabi ng mga lider ng kanilang relihiyon at hindi nangahas na sundan ang Panginoong Jesus? Hindi lamang nawala sa kanila ang pagliligtas ng Panginoon, pinarusahan at isinumpa rin sila ng Diyos: sinakop ang Israel sa loob halos ng 2,000 taon, at napilitang tumakas ang mga Judio patungo sa lahat ng panig ng mundo, kung saan marami sa kanila ang inusig at pinatay. Ito ang nakakakilabot na kinahinatnan nila sa pagpapako sa Panginoon sa krus at sa malubhang pagkakasala sa disposisyon ng Diyos. Ngayon, muling naging tao ang Diyos para gawin ang Kanyang gawain, at nauulit ngayon ang kasaysayan nito. Ang mga lider ng relihiyon ngayon ay parang mga Fariseo lamang noong araw: Malinaw nilang nakikita ang realidad ng pagparito ng Diyos para gawin ang Kanyang gawain, na ipinapahayag ang mga katotohanan at inililigtas ang mga tao, ngunit dahil wala silang pagmamahal sa katotohanan tinatanggihan at tinutuligsa nila ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Para maprotektahan ang kanilang posisyon at mapanatili ang kanilang kabuhayan, nagtatahi-tahi sila ng mga tsismis para labanan at tuligsain ang Diyos at ginagamit nila ang mga tsismis na ito para linlangin at kontrolin ang mga tao. Ginagamit at inuudyukan pa nila ang ilang taong walang malay para pilitin ang mga mananampalatayang tumanggap na sa tunay na daan, at galit na galit nilang sinusubukang gambalain at hadlangan ang mga tao sa pagbaling sa Makapangyarihang Diyos, sa gayon ay sinisira nila ang huling pagkakataon ng mga tao na maligtas. Sister, kailangan nating makita nang malinaw na ito ay isang espirituwal na pakikibaka at malaman ang mga tusong pakana ni Satanas.” Matapos makinig sa pagbabahagi ni Sister Zhang, biglang naging malinaw ang lahat: Mula pa noong unang panahon, palagi nang inuusig ang tunay na daan at talagang ako ay nasa kasalukuyang espirituwal na pakikibaka! Nagtatahi-tahi ng mga tsismis ang mga lider ng dati kong iglesia at tinutuligsa nila ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at inuusig nila ako at paulit-ulit na ginugulo para patigilin ako sa pananalig sa Makapangyarihang Diyos, dahil lamang sa kinamuhian nila ang katotohanan at mga kaaway sila ng Diyos. Ang pagbabahagi ng sister ay naipaunawa sa akin kung bakit nangyayari sa akin ang mga bagay na iyon, ngunit hinang-hina pa rin ako at takot na takot na itago ang aklat ng mga salita ng Diyos. Alam ko na pupunta sa bahay ko ang aking ama at ang iba pa at magwawala kung ginawa ko iyon at pahihirapan nila ang buhay-pamilya ko, kaya nag-atubili akong itago ang aklat. Nakikitang naipit ako sa pagitan ng isang malaking bato at isang mahirap na lugar, binigyan ako ni Sister Zhang ng isang numero ng telepono at sinabing, “Sister, ganito na lang kaya—iuuwi ko ang aklat ng mga salita ng Diyos at itatago para sa iyo. Kapag nadarama mo na gusto mong basahin iyon, tawagan mo lang ako at dadalhin ko iyon sa iyo.” Pumayag ako at inihatid ko na si Sister Zhang sa pinto. Sa sandaling iyon mismo, tumakbo palapit ang asawa ko at sumigaw, habang nakaturo kay Sister Zhang, “Kunin mo ang aklat na iyan at umalis ka na, ngayon din. At huwag ka nang babalik dito, kung hindi ay malilintikan ka sa akin!” Nang masdan ko ang paglalakad ni Sister Zhang palayo, nakadama ako ng labis na pagkainis at pagkabahala sa paraang mahirap ipaliwanag.

Noong una, akala ko kapag ibinalik ko ang aklat ng mga salita ng Diyos kay Sister Zhang, titigil na ang aking ama sa panliligalig sa akin at muli akong mapapayapa. Sa katunayan, kabaligtaran nito ang nangyari: Hindi lamang hindi napayapa ang puso ko, kundi sa halip ay totoong nakadama ako ng di-maipaliwanag na kahungkagan doon. Wala akong sigla sa anumang ginawa ko, at patuloy na pumapasok sa aking isipan ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at ang mga himno ng Kanyang mga salita sa buong maghapon at magdamag. Alam ko na ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus, at na ang mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan; gayunman, naaalala ko palagi ang mga bagay na sinabi sa akin ng lider ng iglesia, at ang mga tagpo ng panggugulo at pag-atake sa akin ng aking ama at ng iba pa. Masyado akong nagdurusa, at pakiramdam ko nahulog ako sa isang malaki at napakalalim na hukay kung saan hindi ako makaahon. Hindi ako makakain o makatulog nang wasto, at balisang-balisa ako, na para bang sasabog ang utak ko. Sa gitna ng lahat ng pasakit na ito, lumuhod ako at nagsumamo sa Diyos: “Diyos ko, ang nag-iisang tunay na Diyos na lumikha ng langit at lupa at lahat ng nabubuhay! Labis akong nasasaktan at nalilito ngayon mismo. Alam ko na ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus, pero napakaliit ng katayuan ko at tuwing iniisip ko ang panggugulo at mga pag-atake sa akin ng aking ama, takot na takot akong sumunod sa Iyo. Diyos ko, naipit ako sa isang sangandaan, at hindi ako makapagdesisyon. Hindi ko alam ang gagawin ko, kaya gabayan at akayin Mo sana ako….” Habang nagdarasal, bigla kong naisip, nang hindi ko namamalayan, ang mga salitang ito ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi ka dapat matakot sa ganito at ganyan; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. … Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daan? Tandaan ito! Huwag kalimutan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Bigla akong lumakas sa mga salita ng Diyos na sapat upang tumatag ang kiming puso ko. “Tama!” naisip ko. “Dahil sinusuportahan ako ng Diyos, ano pa nga ba ang dapat kong ikatakot? Dahil determinado na ako na ito ang tunay na daan, hindi ako dapat magpakontrol sa sinumang tao, anumang kaganapan, o bagay. Kailangan kong makawala sa mga puwersa ng kadiliman at sundan ang Diyos nang may matibay na determinasyon. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, kung hindi ko magawang aminin ang aking pananampalataya kapag nakaharap ko ang masasamang puwersa ni Satanas, anong klaseng mananampalataya ako? Hindi ba sumusuko lang ako kay Satanas at nagtataksil sa Diyos?” Pagkatapos ay naalala ko kung paano nasabi sa akin ni Sister Zhang, noong magbahagi siya, na ang panggugulo ng pamilya ko at lider ng iglesia ay pawang bahagi ng isang espirituwal na pakikibaka, at na kung pinili kong pumanig sa kanila, mahuhulog ako mismo sa tusong bitag ni Satanas. Ibig sabihin, lubos akong mawawalan ng anumang pagkakataong maligtas at makapasok sa kaharian ng langit. Pagkatapos ay naisip ko ang espirituwal na pagdurusang napagdaanan ko mula nang maibalik ko kay Sister Zhang ang aklat ng mga salita ng Diyos. Nadama ko na hindi maaaring mawala ang Diyos sa buhay ko at na mas masakit pang talikuran ang Diyos kaysa talikuran ako ng aking pamilya at ang dati kong iglesia. Kaya dinampot ko ang telepono at tinawagan ko Sister Zhang, at nag-usap kami kung saan kami magkikita para makuha ko ulit ang aklat ng mga salita ng Diyos.

Pagkatapos niyon, tuwing wala sa bahay ang asawa ko, sinasamantala ko ang pagkakataong masugid na basahin ang mga salita ng Diyos at kumanta ng mga himno. Nang lalo kong basahin ang mga salita, lalo akong nasiyahan dito, at nang lalo akong kumanta ng mga himno, lalo akong guminhawa at napanatag. Nanumbalik ang dati kong pananampalataya, at naglahong lahat ang aking pasakit at mga problema na parang hamog sa umaga. Lubos kong nadama na kayang suportahan ng mga salita ng Diyos ang buhay ko, at na kaya kong mawala ang lahat huwag lang ang Diyos. Tatlong buwan pagkaraan, dinala ako ni Sister Zhang sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos para dumalo sa mga miting.

Hindi inaasahan, natuklasan ng asawa ko ang pagdalo ko sa mga miting sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos at isinumbong iyon sa aking ama. Isang gabi, nasa itaas ako ng bahay nang bigla kong narinig ang malaking kaguluhan sa bakuran. Hinawi ko ang mga kurtina at pinagpawisan ako ng malamig nang makita ko ang aking ama at apat o lima sa kapwa niya manggagawa sa iglesia na humahangos na mukhang handang makipag-away. Nagsimulang kumabog ang puso ko, at agad akong lumuhod at nanawagan sa Diyos: “O Makapangyarihang Diyos, dinala ng aking ama ang mga lalaking iyon mula sa iglesia para ligaligin akong muli at talagang natatakot ako. Diyos ko, alam Mong maliit ang katayuan ko, kaya bigyan Mo sana ako ng pananampalataya at lakas ng loob….” Bigla kong naisip ang mga salitang ito ng Diyos: “Kailangan mong taglayin ang Aking katapangan sa iyong kalooban at kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo kapag humaharap ka sa mga kamag-anak na hindi naniniwala. Gayunman, para sa Aking kapakanan, hindi ka rin dapat na sumuko sa kahit anong mga puwersa ng kadiliman. Manalig ka sa Aking karunungan upang makalakad sa perpektong daan; huwag hayaang ang mga pakikipagsabwatan ni Satanas na makapangyari. Ibuhos ang lahat ng iyong pagsisikap sa paglalagay ng iyong puso sa Aking harapan, at pagiginhawahin kita at bibigyan ka ng kapayapaan at kaligayahan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng pananampalataya at lakas, at hindi na ako nangingimi at natakot. Naisip ko: “Gaano man nila ako ligaligin hindi ako muling mahuhulog sa bitag ni Satanas at magpapalinlang sa kanila. Nilikha ako ng Diyos. Ang pagsampalataya sa Diyos at pagsunod sa Kanya ay di-mababagong mga batas kapwa sa langit at sa lupa, at walang sinumang may karapatang humadlang, kahit ang mga taong pinakamalapit sa akin.” Dahil dito, nakababa ako at nabati ang aking ama at ang kanyang mga kapwa-manggagawa sa mahinahong paraan. Pagkakita nila sa akin, agad silang nagsimulang magsalitang lahat. Mukhang may “mapagmahal na pag-aalala” ang isang babaeng kapwa-manggagawa na kasama nila nang sabihin nitong, “Fangfang, napakatalino mong tao, kaya bakit hindi mo maunawaan ang damdamin namin? Kapakanan mo ang nasa puso naming lahat. Huwag kang masyadong matigas ang ulo. Humarap ka sa Panginoon at magsisi, OK?” Sumagot ako nang napakahinahon, “Sister, ni isa man sa inyo ay hindi pa nakarinig sa mga sermon ng Kidlat ng Silanganan, ni nakabasa sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Hinihimok ko kayong siyasatin ito nang maayos at huwag ninyong pikit-matang tuligsain at labanan ang Makapangyarihang Diyos. Ang kailangan lang ninyong gawin ay basahin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at pagkatapos ay malalaman ninyo kung ang Makapangyarihang Diyos nga ang nagbalik na Panginoong Jesus o hindi.” Sagot niya, “Ayaw naming maglakas-loob na basahin ang aklat na iyon dahil talagang napakalakas ng kapangyarihan ng nilalaman niyon para akitin ang mga tao. Napakadaling mahigop nito.” Sabi ko, “Kasi nga ang ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos ay pawang katotohanan at ang Kanyang mga salita ang tinig ng Diyos kaya may kapangyarihan itong supilin ang mga tao. Mga salita ng Diyos lamang ang may ganitong klaseng awtoridad at kapangyarihan. Naaakit ang mga tao sa mga salita ng Diyos kapag binabasa nila ang mga ito dahil nauunawaan nila ang mga katotohanan at sumisigla ang kanilang buhay sa pagbabasa ng mga ito. Sino ang aalis sa bukal ng tubig ng buhay matapos itong matagpuan?” Wala silang naisagot doon, ngunit marami silang sinabi na lumapastangan sa Makapangyarihang Diyos at sinubukan nila akong takutin sa pagsasabing hahatulan ako sa impiyerno kapag hindi ako nagsisi. Sa matigas na tono, sinabi ko, “Siniraan ninyo ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos sa pagsasabing ‘Ang mga taong sumasapi sa Kidlat ng Silanganan ay hindi na makakaalis, at kung makatakas man sila ay pinuputulan sila ng ilong at dinudukutan ng mga mata.’ Wala ni katiting na tunay na ebidensya sa pahayag na iyon. Puro tsismis lang iyon at masamang paninirang-puri! Hanapan mo ako ng isang taong naputulan ng ilong o nadukutan ng mga mata. Kapag hindi ka nakapaglabas ng totoong ebidensya, puro kayo sinungaling na narito lang para linlangin ang mga tao. Lumaganap na ang ebanghelyo ng kaharian ng Makapangyarihang Diyos sa buong China, at narinig na ito ngayon ng lahat. May hindi kukulangin sa ilang milyong Kristiyano ngayon sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Siyempre pa, kapag ipinapangaral ang ebanghelyo palaging may ilang taong namumuhi sa katotohanan at ayaw itong tanggapin. Ngunit may nakita na ba kayong sinuman na naputulan ng ilong o nadukutan ng mga mata? Kung mayroon mang isa, naiulat na sana iyon kaagad ng media at kumalat na sana sa buong bansa. Sadya ninyo kaming niligalig ng kapatid ko hanggang sa isuko namin ang aming pananalig. Ngunit mukha naman kaming matino, hindi ba? Nagsisinungaling kayo para linlangin ang mga tao. Sa pananalig sa Makapangyarihang Diyos, sinusundan ko ang mga yapak ng Diyos at pinipili ang tunay na daan. Wala akong nagawang mali, kaya wala akong dapat pagsisihan. Hindi matitinag kailanman ang aking pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, kaya kung ayaw ninyong manalig okey lang, pero huwag naman ninyo akong pigilang manalig. Tungkol naman sa kahihinatnan ko, walang taong makakapagsabi, dahil ang kapalaran ng bawat isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Sa pagsunod lamang sa gawain ng Diyos at pagtanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw magkakaroon ng magandang huling hantungan ang mga tao. Kaya huwag na ninyo akong ligaligin ulit.” Hindi pa natatagalang lumabas ang mga salita sa aking bibig nang bigla kaagad tumayo ang aking ama, at sa mabalasik na tono ng boses ay nagbanta: “Kung patuloy kang nananalig sa Makapangyarihang Diyos, hindi kita anak!”

Nang marinig ko ang banta ng aking ama na tapusin ang aming kaugnayan, medyo nainis ako, at naisip ko: “Ang mga katotohanang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ang talagang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Kaya bakit ayaw ninyong makinig sa kanila, kundi sa halip ay nakikinig kayo sa mga tsismis at kasinungalingang ikinakalat ng mga lider ng iglesia? Paano ninyo naaatim na tumulad sa kanila sa pagkamuhi sa akin sa pananalig ko sa Makapangyarihang Diyos, at handa pa kayong tapusin ang ating kaugnayan?” Nang lalo ko itong pag-isipan, lalo akong nalungkot, ngunit bigla kong naisip ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Nilikha ng Diyos ang mundong ito at dinala ang tao, isang nabubuhay na nilalang na pinagkalooban Niya ng buhay. Sumunod, nagkaroon ng mga magulang at kamag-anak ang tao, at hindi na nag-iisa. Mula nang unang makita ng tao ang materyal na mundong ito, itinadhana siyang mabuhay sa loob ng ordinasyon ng Diyos. Ang hininga ng buhay mula sa Diyos ang sumusuporta sa bawat nabubuhay na nilalang sa kanyang paglaki hanggang sa kanyang pagtanda. Sa prosesong ito, walang nakadarama na lumalaki ang tao sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos; sa halip, naniniwala sila na lumalaki siya sa ilalim ng mapagmahal na pangangalaga ng kanyang mga magulang, at na ang likas na pag-uugali niya sa buhay ang gumagabay sa kanyang paglaki. Ito ay dahil hindi alam ng tao kung sino ang nagkaloob ng buhay niya, o kung saan ito nanggaling, lalo nang hindi niya alam kung paano lumilikha ng mga himala ang likas na pag-uugali niya sa buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Ang mga salita ng Diyos ay ipinaunawa sa akin na kahit nagmula sa aking mga magulang ang aking pisikal na katawan, sa Diyos nagmula ang aking buhay. “Kung hindi sa kaloob na buhay ng Diyos,” naisip ko, “magiging isang piraso lamang ng nabubulok na laman ang aking katawan, at ang katotohanan na buhay ako ngayon ay dahil lahat sa pangangalaga at proteksyon ng Diyos, kung hindi ay matagal na sana akong nilamon ni Satanas. Sa Diyos nagmula ang aking buhay, hindi sa aking mga magulang, at maaari kong sirain ang anumang kaugnayan maliban sa Diyos. Hindi lamang hindi interesado ang aking mga magulang sa paghahangad at pagsisiyasat sa pagbabalik ng Panginoon, siyento por siyento ring sila ang nasa likod ng mga lider ng iglesia sa paninirang-puri at paglapastangan sa gawain ng Diyos at pagsusumikap na pilitin akong pagtaksilan ang Diyos. Pinatutunayan nito na ang kanilang pinakadiwa ay lumalaban at napopoot sa Diyos, ngunit hindi ako mababahiran ng kanilang karungisan at lalaban sa Diyos. Papanig ako sa Diyos, at kahit itakwil pa ako ng aking mga magulang, susundan ko pa rin ang Diyos hanggang sa huling-huli, at matibay akong maninindigan at magpapatotoo sa Diyos.” Kaya sinabi ko sa aking ama, “Itay, pagdating sa pananampalataya sa Diyos, sinusunod ko ang Diyos, hindi ang mga tao, at hindi rin ako nagpapatangay sa damdamin. Kung ang sinabi mo ay kasang-ayon ng katotohanan at kalooban ng Diyos, makikinig ako sa iyo. Pero kung sinasabi mo sa akin na pagtaksilan ko ang Diyos, hindi ko gagawin ang sinasabi mo kailanman!” Nang makita nila kung gaano katigas ang ulo ko, umiling-iling silang lahat, nagtayuan, at umalis na mukhang matamlay. Sa sandaling iyon, pakiramdam ko ay nagtagumpay ako at hindi ko mapigilang purihin at pasalamatan ang Diyos sa puso ko: “O Makapangyarihang Diyos, napaka-makapangyarihan Mo. Ang mga salita Mo ang nagbigay sa akin ng pananampalataya at lakas ng loob, at naghatid ng lubos at nakahihiyang pagkatalo kay Satanas.”

Bagama’t hindi na pumarito ang mga taong nagmula sa relihiyosong komunidad para guluhin akong muli, patuloy pa ring inudyukan ng lider ng iglesia ang aking mga magulang na ligaligin ako. Kada ilang araw pumaparito sila sa bahay ko para himukin akong magbago ng isip, at palagi nilang iginiit na magpunta ako sa bahay ng lider para magsisi. Isang araw, nagpunta ang mga kamag-anak ko at sinubukan ng aking ama na gumamit ng di-makatwirang mga sipi mula sa Biblia para linlangin ako samantalang nakatayo ang aking ina sa isang tabi at lumuluhang nagsumamo sa akin na magpunta sa bahay ng lider para magsisi. Talagang nalungkot akong makita na balisang-balisa ang aking ina. Naisip ko kung paano siya nawalan ng ina sa edad na tatlo at nang abusuhin siya ng kanyang madrasta. Nagdusa siya nang husto sa kanyang buhay at ngayon ay tumatanda na, at hindi ako gaanong naging masunuring anak, lalo na sa paraan na pinag-aalala ko siya ngayon. Pagkatapos ay tiningnan ko ang kulubot na mukha at pumuputi nang buhok ng aking ama, at mas nagpalungkot iyon sa akin, at agad akong napaluha. Nang nagsisimula na akong manghina, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa gitna ng mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panghihimasok ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubukan, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng tao, at panghihimasok ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na sa tingin ay mukhang nililigalig ako ng aking mga magulang, ngunit sa espirituwal na dako ay si Satanas iyon na nakikipagpustahan sa Diyos. Katulad iyon noong nagdaraan si Job sa mga pagsubok ng Diyos, at sinabi sa kanya ng kanyang asawa, na gumanap na alipin ni Satanas: “Namamalagi ka pa ba sa iyong pagtatapat? itakuwil mo ang Dios, at mamatay ka” (Job 2:9). Ngunit may takot si Job sa Diyos at umiwas sa kasamaan, pinagalitan niya ang kanyang asawa, at tinawag itong mangmang at matigas ang ulo; hindi siya nagkasala sa kanyang mga salita. Tumayo siyang saksi sa Diyos sa harap ni Satanas, at sa mga mata ng Diyos na si Jehova ay isa siyang perpektong tao. Ngayon ay nililigalig ako ng aking mga magulang, na naniwala sa lahat ng tahasang mga kasinungalingang sinabi ng mga lider, at isa rin ito sa mga tukso ni Satanas. Alam ni Satanas na mahal na mahal ko ang aking mga magulang at sinasamantala niya ang pagkakataon na subukang makalapit sa akin. Walang saysay na umaasa si Satanas na gamitin ang aking pagdamay sa aking mga magulang upang pilitin akong tanggihan at pagtaksilan ang Diyos, na nagpapakita lang kung gaano kasama at katuso si Satanas! Ngunit hindi ko bibigyan ng kasiyahan si Satanas na makitang magkaroon ng bunga ang mga pakana nito. Hindi ko bibiguin at palulungkutin ang Diyos, kaya naging determinado akong pumanig sa Diyos. Kasunod niyon, anuman ang sinabi ng aking mga magulang, gaano man nila ako hinimok, hindi nagpadala ni kaunti ang puso ko. Nakikitang lubos akong hindi naantig, umalis ang aking mga magulang, na mukhang matamlay na matamlay.

Nang malaon, pinatayo ng lider ng iglesia ang aking ama sa harap ng lahat ng miyembro ng kanilang iglesia at ipinahayag na napatalsik na ako sa iglesia. Pinalayo rin ng lider ang mga magulang ko sa akin. Dahil sa panliligalig mula sa lider ng iglesia at sa aking mga magulang, galit na galit na sinimulan akong usigin ng aking asawa. Tuwing uuwi ako mula sa pagganap sa aking mga tungkulin para sa iglesia, binubugbog niya ako o binubulyawan, at kung minsan ay kinakandaduhan pa niya ako sa labas ng bahay namin. Sinisira niya ang electric scooter o bisikleta ko, at minsan dinala pa niya ako sa presinto. Pinahirapan niya ako hanggang sa napagod nang husto ang katawan ko at nangalumata na ako, at sinimulan din akong kutyain at siraang-puri ng aming mga kapitbahay sa nayon. Naharap sa sitwasyong ito, nanghina ang aking espiritu at unti-unti kong nadama na napakahirap manampalataya sa Diyos. Hindi ko alam kung paano magpatuloy, at madalas akong lumuhod sa harap ng Diyos at manalangin at umiyak, na nagmamakaawa sa Diyos na bigyan ako ng pananampalataya at lakas. At pagkatapos, sa isang okasyon, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Yaong mga tinutukoy ng Diyos na mga ‘mananagumpay’ ay yaong mga nagagawa pang tumayong saksi at mapanatili ang kanilang tiwala at katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim sila ng impluwensya ni Satanas at nilulusob ni Satanas, ibig sabihin, kapag nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay tumatayong saksi sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang ‘mananagumpay.’ Kung napakaganda ng iyong paghahangad kapag pinagpapala ka ng Diyos, ngunit umuurong ka kapag wala ang Kanyang mga pagpapala, kadalisayan ba ito? Yamang nakatitiyak ka na ang landas na ito ay totoo, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos Mismo ay naparito sa lupa upang gawin kang perpekto, dapat mong ibigay nang lubusan ang iyong puso sa Kanya. Kung masusundan mo pa rin Siya anuman ang Kanyang gawin, magpasya man Siya ng isang hindi kaaya-ayang kahihinatnan para sa iyo sa pinakadulo, ito ay pagpapanatili ng iyong kadalisayan sa harap ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na, sa mga huling araw, gagawa ang Diyos ng isang grupo ng mga mananagumpay. Tutulutan ng Diyos na tuksuhin ni Satanas ang mga tao, at pang-aapi man iyon ng gobyernong CCP, panliligalig ng relihiyosong komunidad, pagtalikod ng mga kamag-anak, o panunuya at pang-iinsulto ng pangkalahatang publiko, kaming mga mananampalataya ay kailangang magdanas ng mga pagsubok na ito nang praktikal, dahil yaon lamang mga mananampalatayang makakasunod sa Diyos, mananatiling tapat sa Diyos at magpapatotoo sa Diyos sa anumang sitwasyon ang magiging mga mananagumpay na nagawa ng Diyos. Naiplano na ng Diyos ang mahihirap na sitwasyong ito para gawing akong perpekto, para makita kung talagang may pananampalataya ako sa Kanya, at para makita kung talagang isa akong tao na tunay na nanalig sa Kanya, na tunay na sumunod sa Kanya, at tunay na tapat sa Kanya. Matapos maunawaan ang kalooban ng Diyos, humarap ako sa Diyos at ipinangako ko ito: Anumang mga paghihirap o pang-aapi ang nararanasan ko, lagi kong susundan ang Diyos nang may determinasyon, lagi kong tutuparin ang aking mga tungkulin bilang isa sa mga nilikha ng Diyos para bigyang-kasiyahan ang Diyos, at magbabahagi ako ng matagumpay na patotoo para sa Diyos sa harap ni Satanas. Pagkatapos niyon, bagama’t patuloy akong galit na galit na niligalig at binagabag ng aking asawa, madalas pa rin akong nanalangin sa Diyos, umasa sa Diyos, sinangkapan ang aking sarili ng mga salita ng Diyos araw-araw, at hindi na ako nakadama ng anumang pagdurusa sa puso ko. Nagbukas din ang Diyos ng isang daan palabas para sa akin: Pinarusahan ng Diyos ang aking asawa sa ilang okasyon dahil sa galit na galit na pang-uusig sa akin, at pagkatapos niyon hindi na siya nangahas na bugbugin ako o pakialaman ulit ang bisikleta ko. Sa pamamagitan ng mga karanasang ito, nakita ko ang pagka-makapangyarihan sa lahat at dakilang kapangyarihan ng Diyos at ang Kanyang kamangha-manghang mga gawa. Nakita ko na walang anumang masamang puwersang makakahigit sa awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, at personal kong naranasan ang katotohanan na basta’t umaasa tayo nang tapat sa Diyos at hinaharap natin ang lahat ng dumarating sa pamamagitan ng pag-asa sa mga salita ng Diyos, magbubukas ng daan ang Diyos para makasulong tayo at gagabayan Niya tayo para madaig natin ang masamang impluwensya ni Satanas. Matapos maranasan ang lahat ng pag-uusig at pagdurusang ito, bagama’t nagdusa nang kaunti ang aking pisikal na katawan, nadama ko pa rin na napakarami kong natutuhan. Ang aking pananampalataya sa Diyos ay lumakas nang lumakas, at lahat ng ito ay pagpapala sa akin ng Diyos. Salamat, Makapangyarihang Diyos!

Isang taon pagkaraan, sumama ako kay Sister Zhang papunta sa pinagtatrabahuhan ng bunso kong kapatid at muli kong pinatotohanan sa kanya ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Tinanggap iyon ng aking kapatid, at nang makita kong kinuha niya ang aklat ng mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng labis kong pagpapahalaga sa kung gaano kahirap para sa isang tao na maligtas ng Diyos. Ang hangarin ng Diyos na iligtas ang tao ay totoong-totoo! Hindi ko mapigil ang pagtulo ng mga luha ng pasasalamat sa aking mukha, at nag-umapaw ang puso ko sa pasasalamat at papuri sa Diyos! Noong 2006, nagsama kami ng bunso kong kapatid at ipinangaral namin ang ebanghelyo ng kaharian sa isa pa naming kapatid na babae at, kasunod niyon, nadala rin namin ang ilan sa iba pa naming mga kamag-anak sa harap ng Makapangyarihang Diyos. Nagbigay-kakayahan ito sa akin na makita na gaano man kagalit ang mga lider ng relihiyon sa pagtatahi-tahi ng mga kasinungalingan at pagbabagabag at panliligalig sa mga tunay na mananampalataya, lalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, at walang sinumang makakapigil dito. Siguradong maririnig ng mga kordero ng Diyos ang Kanyang tinig at babalik sa harap ng Kanyang luklukan. Tulad ng sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Lumalawak ang kaharian sa gitna ng sangkatauhan, nabubuo ito sa gitna ng sangkatauhan, at nakatayo ito sa gitna ng sangkatauhan; walang puwersang maaaring magwasak sa Aking kaharian(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 19).

Sinundan: 31. Isang Maliit na Dahon ng Damong Tumubo Kasama ng mga Palumpong

Sumunod: 33. Pagtatamo ng Pagpapala sa Pamamagitan ng Kasawian

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito