B. Mga Pangaral at Pag-aliw ng Diyos sa Tao
623. Ngayon ay hinahatulan kayo ng Diyos, kinakastigo kayo, at kinokondena kayo, ngunit kailangan mong malaman na ang punto ng pagkondena sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay nagkokondena, nagsusumpa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, bukod pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga hinihingi sa Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal, nagliligtas, humahatol, at kumakastigo sa tao. Kung alam mo lamang na mababa ang iyong katayuan, na ikaw ay tiwali at mapaghimagsik, ngunit hindi mo alam na ninanais ng Diyos na ibunyag ang Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo na Kanyang ginagawa sa iyo ngayon, wala kang paraan para makaranas ng mga bagay, lalong wala kang kakayahang patuloy na sumulong. Ang Diyos ay hindi naparito upang hampasin o lipulin ang mga tao, kundi upang hatulan, sumpain, kastiguhin, at iligtas sila. Hanggang sa matapos ang Kanyang 6,000 taong plano ng pamamahala—bago Niya ibunyag ang kalalabasan ng bawat kategorya ng tao—ang gawain ng Diyos sa lupa ay para sa pagliligtas, ang layunin nito ay para lamang gawing ganap—nang lubusan—iyong mga nagmamahal sa Kanya at mapasailalim sila sa Kanyang kapamahalaan. Paano man inililigtas ng Diyos ang mga tao, ginagawang lahat iyon sa pamamagitan ng paghiwalay sa kanila sa dati nilang satanikong kalikasan; ibig sabihin, inililigtas Niya sila sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na maghangad ng buhay. Kung hindi nila gagawin iyon, walang paraan upang matanggap nila ang pagliligtas ng Diyos. Ang pagliligtas ay ang gawain ng Diyos Mismo, at ang paghahangad ng buhay ay isang bagay na kailangang gawin ng tao upang tumanggap ng kaligtasan. Sa mga mata ng tao, ang kaligtasan ay ang pag-ibig ng Diyos, at ang pag-ibig ng Diyos ay hindi maaaring maging pagkastigo, paghatol, at mga pagsumpa; ang pagliligtas ay kailangang naglalaman ng awa, mapagmahal na kabaitan, at, bukod pa rito, ng mga salita ng kaginhawahan, gayundin ng walang-hanggang mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos. Naniniwala ang mga tao na kapag inililigtas ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon sa pamamagitan ng pag-antig dito gamit ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, para maibigay nito ang puso nito sa Diyos. Ibig sabihin, ang Kanyang pag-antig sa tao ay pagliligtas Niya dito. Ang ganitong uri ng pagliligtas ay ginagawa sa pamamagitan ng pakikipagkasundo. Kapag pinagkalooban ito ng Diyos ng isandaang beses, saka pa lamang magpapasailalim ang tao sa pangalan ng Diyos at magsisikap na gumawa ng mabuti para sa Kanya at maghatid sa Kanya ng kaluwalhatian. Hindi ito ang layon ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang Diyos ay naparito para gumawa sa lupa upang iligtas ang tiwaling sangkatauhan; walang kasinungalingan dito. Kung mayroon, tiyak na hindi sana Siya naparito upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dati-rati, ang Kanyang paraan ng pagliligtas ay may kasamang pagpapakita ng sukdulang awa at mapagmahal na kabaitan, kaya ibinigay Niya ang lahat Niya kay Satanas kapalit ng buong sangkatauhan. Ang kasalukuyan ay hindi kagaya ng nakaraan: Ang kaligtasang ipinagkaloob sa inyo ngayon ay nangyayari sa panahon ng mga huling araw, kung kailan ibinubukod-bukod ang bawat isa ayon sa kanilang uri; ang paraan ng inyong kaligtasan ay hindi awa o mapagmahal na kabaitan, kundi pagkastigo at paghatol, upang ang tao ay maaaring mas lubusang maligtas. Sa gayon, ang natatanggap lamang ninyo ay pagkastigo, paghatol, at walang-awang paghampas, ngunit dapat ninyong malaman ito: Sa walang-pusong paghampas na ito wala ni kakatiting na kaparusahan. Gaano man kabagsik ang Aking mga salita, ang sumasapit sa inyo ay iilang salita lamang na maaaring magmukhang lubos na walang puso sa inyo, at gaano man katindi ang Aking galit, ang sumasapit sa inyo ay mga salita pa rin ng pagsaway, at hindi Ko layon na saktan kayo o patayin kayo. Hindi ba totoo ang lahat ng ito? Dapat ninyong malaman na sa panahong ito, matuwid na paghatol man o walang-damdaming pagpipino at pagkastigo, lahat ay para sa kapakanan ng kaligtasan. Ibinubukod-bukod man ngayon ang bawat tao ayon sa kanilang uri o mabubunyag man ang lahat ng uri ng tao, ang layunin ng lahat ng salita at gawain ng Diyos ay upang iligtas iyong mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Ang matuwid na paghatol ay pinasasapit upang dalisayin ang tao, at ang walang-pusong pagpipino ay ginagawa upang linisin ito; ang masasakit na salita o pagtutuwid ay kapwa ginagawa upang magpadalisay at alang-alang sa kaligtasan. Sa gayon, ang pamamaraan ng pagliligtas ngayon ay hindi kagaya noong araw. Ngayon, inililigtas kayo sa pamamagitan ng matuwid na paghatol, at ito ay isang mabuting kasangkapan para maibukod-bukod ang bawat isa sa inyo ayon sa uri. Bukod diyan, ang walang awang pagkastigo ay nagsisilbing inyong sukdulang kaligtasan—at ano ang masasabi ninyo sa harap ng gayong pagkastigo at paghatol? Hindi ba kayo palaging nagtamasa ng pagliligtas, mula simula hanggang wakas? Nakita na ninyo ang Diyos na nagkatawang-tao at napagtanto na ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan; at saka, naranasan na ninyo ang paulit-ulit na paghampas at pagdisiplina. Gayunman, hindi ba nakatanggap din kayo ng pinakadakilang biyaya? Hindi ba mas malaki ang inyong mga pagpapala kaysa iba pa? Ang inyong mga biyaya ay mas sagana pa nga kaysa sa kaluwalhatian at mga kayamanang tinamasa ni Solomon! Pag-isipan ninyo ito: Kung ang Aking layon sa pagparito ay upang kondenahin at parusahan kayo sa halip na iligtas kayo, nagtagal kaya ang buhay ninyo? Buhay pa kaya hanggang ngayon kayong mga makasalanang nilalang na laman at dugo? Kung ang Aking mithiin ay para lamang parusahan kayo, bakit pa Ako nagkatawang-tao at nagsimula ng gayon kalaking proyekto? Hindi ba kayong mga hamak na mortal ay maaaring parusahan sa pagbigkas lamang ng iisang salita? Kakailanganin Ko pa ba kayong lipulin matapos Ko kayong sadyang kondenahin? Hindi pa rin ba kayo naniniwala sa mga salita Kong ito? Maaari Ko bang iligtas ang tao sa pamamagitan lamang ng awa at mapagmahal na kabaitan? O maaari Ko bang gamitin na lamang ang pagkakapako sa krus upang iligtas ang tao? Hindi ba mas kapaki-pakinabang ang Aking matuwid na disposisyon para magawang lubos na mapagpasakop ang tao? Hindi ba mas may kakayahan ito na lubusang iligtas ang tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Layunin ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao
624. Lahat kayo ay naninirahan sa isang lupain ng kasalanan at kahalayan, at lahat kayo ay mahalay at makasalanan. Ngayon ay hindi lamang ninyo nagagawang makita ang Diyos, kundi ang mas mahalaga, natanggap ninyo ang pagkastigo at paghatol, natanggap ninyo itong pinakamalalim na kaligtasan, ibig sabihin, natanggap ninyo ang pinakadakilang pagmamahal ng Diyos. Sa lahat ng Kanyang ginagawa, tunay na mapagmahal ang Diyos sa inyo. Wala Siyang masamang intensyon. Dahil sa inyong mga kasalanan kaya Niya kayo hinahatulan, upang magawa ninyong pagnilayan ang inyong sarili at tanggapin ang napakalaking kaligtasan na ito. Lahat ng gawaing ito ay ginagawa para gawing ganap ang tao. Mula simula hanggang wakas, ginagawa na ng Diyos ang Kanyang buong makakaya upang iligtas ang tao, at sadyang wala Siyang pagnanais na ganap na wasakin ang mga taong Kanyang nilikha gamit ang sarili Niyang mga kamay. Ngayon, naparito Siya sa gitna ninyo upang gumawa; hindi ba’t mas maituturing ito na pagliligtas? Kung kinamuhian Niya kayo, gagawa pa ba Siya ng gayon kalaking gawain at personal kayong gagabayan? Bakit Niya kailangang magdusa nang gayon? Hindi kayo kinamumuhian ng Diyos o wala Siyang anumang masasamang intensyon sa inyo. Dapat ninyong malaman na ang pagmamahal ng Diyos ang pinakatunay. Dahil lamang mapaghimagsik ang mga tao kaya Niya sila kailangang iligtas sa pamamagitan ng paghatol; kung hindi, magiging imposible pa rin na iligtas sila. Dahil hindi ninyo alam kung paano mamuhay ng buhay ninyo at wala kayong malay kung paano mamuhay, at dahil kayo ay namumuhay sa mahalay at makasalanang lupaing ito at kayo mismo ay mahahalay at maruruming diyablo, hindi Niya matiis na hayaan kayong lalong masadlak, hindi Niya matiis na makita kayong nabubuhay sa maruming lupaing ito tulad ngayon, na tinatapak-tapakan ni Satanas kung kailan nito gusto, at hindi Niya matiis na hayaan kayong mahulog sa Hades. Nais lamang Niyang makamit ang grupong ito ng mga tao at lubusan kayong iligtas. Ito ang pangunahing layunin ng paggawa ng gawain ng paglupig sa inyo—ito’y para sa kaligtasan. Kung hindi mo makita na lahat ng ginawa sa iyo ay pagmamahal at pagliligtas, kung iniisip mo na isa lamang itong pamamaraan, isang paraan upang pahirapan ang tao, at isang bagay na hindi mapagkakatiwalaan, mas mabuti pang bumalik ka na sa iyong mundo upang magdanas ng pasakit at paghihirap! Kung handa kang mapasama sa daloy na ito, at masiyahan sa paghatol na ito at sa napakalawak na pagliligtas na ito, at matamasa ang lahat ng pagpapalang ito, mga pagpapalang hindi matatagpuan saanman sa mundo ng tao, at matamasa ang pagmamahal na ito, kung gayon, maging mabuti: Mamalagi sa daloy na ito para tanggapin ang gawain ng paglupig upang magawa kang perpekto. Ngayon, maaaring nagdaranas ka ng kaunting pasakit at pagpipino dahil sa paghatol ng Diyos, ngunit may halaga at kabuluhan ang pagdanas ng pasakit na ito. Bagama’t pinipino at walang-awang inilalantad ang mga tao sa pagkastigo at paghatol ng Diyos—na ang layon ay parusahan sila para sa kanilang mga kasalanan, parusahan ang kanilang laman—wala sa gawaing ito ang naglalayong kondenahin ang kanilang laman hanggang sa mawasak. Ang matinding paglalantad ng salita ay para lahat sa layunin na akayin ka sa tamang landas. Personal na ninyong naranasan ang napakarami sa gawaing ito at, malinaw, hindi kayo naakay nito sa isang masamang landas! Lahat ay upang maisabuhay mo ang normal na pagkatao, at magagawa ang lahat ng ito ng iyong normal na pagkatao. Bawat hakbang ng gawain ng Diyos ay batay sa iyong mga pangangailangan, ayon sa iyong mga kahinaan, at ayon sa iyong aktwal na tayog, at walang pasaning ibinibigay sa inyo na hindi ninyo kakayanin. Hindi ito malinaw sa iyo ngayon, at pakiramdam mo ay tila pinapahirapan kita, at palagi mong iniisip na ang dahilan kung bakit ka kinakastigo, hinahatulan at sinasaway araw-araw ay dahil kinamumuhian kita. Ngunit kahit ang dinaranas mo ay pagkastigo at paghatol, ang totoo ay pagmamahal ito sa iyo, at ito ang pinakamalaking proteksyon. Kung hindi mo maaarok ang mas malalim na kahulugan ng gawaing ito, imposibleng magpatuloy ka pa sa iyong pagdanas. Ang pagliligtas na ito ay dapat maghatid sa iyo ng ginhawa. Huwag mong ipagpilitan ang iyong mga maling paniniwala. Yamang umabot ka na rito, dapat mong malinawan ang kahalagahan ng gawain ng paglupig, at wala ka na dapat mga opinyon tungkol dito sa anumang paraan!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (4)
625. Ang lahat ng tao ay naisailalim na sa pagpipino dahil sa mga salita ng Diyos. Kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos, tiyak na hindi magkakaroon ang sangkatauhan ng biyaya ng paghihirap sa pamamagitan ng pagpipinong ito. Sa ibang salita, lahat yaong mga nakatatanggap ng mga pagsubok ng mga salita ng Diyos ay pinagpala. Batay sa likas na kakayahan ng mga tao, kanilang pag-uugali, at kanilang mga saloobin sa Diyos, hindi sila karapat-dapat na tumanggap ng ganitong uri ng pagpipino. Dahil itinaas sila ng Diyos kung kaya natamasa nila ang pagpapalang ito. Sinasabi dati ng mga tao na hindi sila karapat-dapat na makita ang mukha ng Diyos o marinig ang Kanyang mga salita. Sa kasalukuyan, lubos na dahil sa pagtataas ng Diyos at sa Kanyang awa kung kaya natanggap ng mga tao ang pagpipino ng Kanyang mga salita. Ito ang pagpapala ng bawat taong isinilang sa mga huling araw—personal na ba ninyong naranasan ito? Kung saang mga aspeto dapat dumanas ang mga tao ng pagdurusa at mga dagok ay itinatalaga ng Diyos—hindi ito batay sa sariling mga kinakailangan ng mga tao. Ito ang maliwanag na katotohanan. Ang bawat mananampalataya ay dapat magtaglay ng kakayahan na tanggapin ang mga pagsubok ng mga salita ng Diyos at magdusa sa loob ng Kanyang mga salita. Malinaw ba ito sa inyo? Kaya, kapalit ng pagdurusa na iyong pinagdaanan, natanggap mo ang mga biyaya ng araw na ito; kung hindi ka magdurusa para sa Diyos, hindi mo makakamit ang Kanyang papuri.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tunay na Pag-ibig sa Diyos ay Kusa
626. Na kaya mong tanggapin ngayon ang paghatol, pagkastigo, paghampas, at pagpipino ng mga salita ng Diyos, at, higit pa rito, na kaya mong tanggapin ang mga atas ng Diyos, ay unang pagtatalaga ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at kaya hindi ka dapat masyadong mabagabag kapag ikaw ay kinakastigo. Walang sinuman ang makaaagaw sa gawain na nagawa na sa inyo, at sa mga pagpapala na naipagkaloob na sa inyo, at walang sinuman ang makaaagaw sa lahat ng mga naibigay na sa inyo. Ang mga tao ng relihiyon ay hindi maihahambing sa inyo. Wala kayong masyadong kaalaman sa Bibliya, at hindi kayo nasasangkapan ng mga doktrina ng relihiyon, ngunit dahil ang Diyos ay gumawa na sa inyo, nagkamit na kayo ng higit sa kaninuman sa kabuuan ng mga kapanahunan—at kaya ito ang inyong pinakamalaking pagpapala. Dahil dito, lalo kayong dapat na maging dedikado sa Diyos, at lalo pang maging tapat sa Diyos. Alang-alang sa pagtataas ng Diyos, dapat mong pagtibayin ang iyong mga pagsisikap at dapat ihanda ang iyong tayog na tanggapin ang mga atas ng Diyos. Dapat kang manindigan sa saklaw na ibinigay sa iyo ng Diyos, hangarin ang pagiging isa sa mga tao ng Diyos, tanggapin ang pagsasanay ng kaharian, makamit ng Diyos at sa bandang huli ay maging isang maluwalhating patotoo sa Diyos. Taglay mo ba ang mga kapasyahang ito? Kung taglay mo ang gayong mga kapasyahan, sa huli ay tiyak kang makakamit ng Diyos, at magiging isa kang maluwalhating patotoo sa Diyos. Dapat mong maunawaan na ang pangunahing atas ay ang makamit ng Diyos at maging isang maluwalhating patotoo sa Diyos. Ito ang layunin ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak
627. Sa lahat ng kapatirang nakarinig ng Aking tinig: Napakinggan na ninyo ang tinig ng Aking matinding paghatol at nakapagtiis na kayo ng matinding pagdurusa. Gayunman, dapat ninyong malaman na natatago ang Aking mga layunin sa likod ng Aking istriktong tinig! Dinidisiplina Ko kayo upang kayo ay maligtas. Dapat ninyong malaman na para sa Aking mga minamahal na anak, tiyak na didisiplinahin Ko kayo at tatabasin Ko kayo at gagawin kayong ganap sa lalong madaling panahon. Masigasig ang puso Ko, pero hindi ninyo nauunawaan ang puso Ko at hindi kayo kumikilos ayon sa Aking salita. Dumarating ngayon ang Aking mga salita sa inyo upang tunay na makilala ninyo na ang Diyos ay isang maibiging Diyos at nagdudulot sa inyo na maranasan ang matapat na pag-ibig sa Diyos. Gayunman, mayroon ding isang maliit na bilang ng mga tao na nagpapanggap. Kapag nakikita nila ang kalungkutan ng ibang tao, ginagaya nila sila, at pinupuno rin nila ng mga luha ang kanilang mga mata. Mayroon namang iba na nagpapakita—sa panlabas—na may pagkakautang sila sa Diyos at tila nagdadalamhati sila, pero sa loob nila, hindi nila totoong nauunawaan ang Diyos, at ni hindi sila tiyak tungkol sa Kanya; sa halip ay pagkukunwari lamang ito. Kinasusuklaman Ko ang mga taong ito nang higit sa lahat! Sa malao’t madali, ihihiwalay ang mga taong ito mula sa Aking lungsod. Ang layunin Ko ay ito: nais Ko ang mga taimtim na nagnanais sa Akin, at ang mga naghahangad lamang sa Akin nang may totoong puso ang makapagbibigay-kaluguran sa Akin. Ang mga taong ito ang tiyak na susuportahan Ko gamit ang sarili Kong mga kamay, at sisiguruhin Kong wala silang makakaharap na mga kalamidad. Ang mga taong totoong nagnanais sa Diyos ay magiging handa na magsaalang-alang sa puso ng Diyos at sumusunod sa kalooban Ko. Kaya, dapat kayong pumasok sa realidad sa lalong madaling panahon at tanggapin ang Aking salita bilang inyong buhay—ito ang Aking pinakamalaking pasanin. Kung papasok sa realidad ang lahat ng mga iglesia at mga banal at ang lahat ay kayang tuwirang makipagbahaginan sa Akin, humarap ng mukhaan sa Akin at isagawa ang katotohanan at katuwiran, saka lamang sila magiging Aking mga minamahal na anak, na Aking lubos na kinalulugdan. Sa mga taong ito ay ipagkakaloob Ko ang lahat ng malalaking pagpapala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 23
628. Sa ngayon, hindi ka maaaring masiyahan lamang sa kung paano ka nalupig, kundi dapat mo ring isaalang-alang kung paano mo dapat tahakin ang landas na nasa iyong unahan. Dapat mayroon ka ng determinasyon at ng lakas ng loob upang ikaw ay magawang perpekto, at hindi mo dapat laging isipin na hindi kaya ng iyong sarili. Nagpapakita ba ng paboritismo ang katotohanan? Kaya bang sadyain ng katotohanan ang pagsalungat sa mga tao? Kung hahangarin mo ang katotohanan, kaya ka ba nitong madaig? Kung maninindigan ka para sa katarungan, pababagsakin ka ba nito? Kung tunay ngang ang determinasyon mo ay ang pagsikapang magtamo ng buhay, kaya ka bang iwasan ng buhay? Kung wala sa iyo ang katotohanan, hindi ito dahil sa hindi ka pinapansin ng katotohanan, kundi dahil sa lumalayo ka mula sa katotohanan. Kung hindi mo kayang manindigan nang matatag para sa katarungan, hindi ito dahil sa may kamalian ang katarungan, kundi dahil sa naniniwala kang nalilihis ito sa mga katunayan. Kung hindi mo natamo ang buhay matapos mong pagsumikapang hanapin ito sa loob ng maraming taon, ito ay hindi dahil sa ang buhay ay walang konsensiya ukol sa iyo, kundi dahil sa wala kang konsensiya ukol sa buhay, at naitaboy mo ang buhay. Kung namumuhay ka sa liwanag, at hindi mo nakayang makamit ang liwanag, ito ay hindi dahil sa hindi nagagawa ng liwanag na liwanagan ka, kundi dahil sa hindi mo nabigyang-pansin ang pag-iral ng liwanag, kung kaya’t tahimik kang nilisan ng liwanag. Kung hindi ka naghahangad, masasabi na lamang na ikaw ay walang-halagang basura, at walang lakas ng loob sa iyong pamumuhay, at hindi mo taglay ang espiritu para labanan ang mga puwersa ng kadiliman. Masyado kang mahina! Hindi mo kayang tumakas mula sa mga puwersa ni Satanas na umaatake sa iyo, at ang nais mo lamang ay magpatuloy sa ganitong uri ng ligtas at panatag na buhay at mamatay sa kamangmangan. Ang dapat mong makamit ay ang iyong pagsisikap na malupig. Ito ang iyong nakatakdang tungkulin. Kung sapat na para sa iyo ang malupig, itinataboy mo ang pag-iral ng liwanag. Dapat kang magdusa ng paghihirap para sa katotohanan, dapat mong isakripisyo ang iyong sarili para sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa para magkamit ng higit pang katotohanan. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa pagtatamasa ng pagkakasundo ng pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo alang-alang sa pansamantalang pagtatamasa. Dapat mong hangarin ang lahat ng maganda at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makabuluhan. Kung namumuhay ka ng gayong isang ordinaryo at makamundong buhay, at wala kang anumang layong hahangarin, hindi ba’t pag-aaksaya ito sa iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong paraan ng pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa isang katotohanan, at hindi mo dapat itapon ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang ganitong mga tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
629. Huwag mong akalain na napakadali lang ng pagsunod sa Diyos. Ang susi ay kailangan mo Siyang makilala, kailangan mong malaman ang gawain Niya, at kailangan mong magkaroon ng kagustuhang magtiis ng paghihirap alang-alang sa Kanya, isakripisyo ang iyong buhay para sa Kanya, at magawa Niyang perpekto. Ito ang pangitain na dapat mong taglay. Hindi maaari na laging nakatuon lang ang isip mo sa pagtatamasa ng biyaya. Huwag mong ipagpalagay na narito ang Diyos para lang sa kasiyahan ng mga tao, o upang magkaloob lang ng biyaya sa kanila. Magiging mali ka! Kung hindi maitataya ng isa ang kanyang buhay upang sumunod sa Kanya, at kung hindi maiiwanan ng isang tao ang lahat ng panlabas na bagay upang sumunod, tiyak na hindi niya makakayang sumunod hanggang sa huli! Kailangang mga pangitain ang iyong pundasyon. Kung isang araw ay dumating sa iyo ang kasawian, ano ang dapat mong gawin? Magagawa mo pa rin bang sumunod sa Kanya? Huwag mong basta sabihin kung makakasunod ka hanggang sa huli. Mas mabuting imulat mo muna nang maigi ang iyong mga mata upang makita kung ano ang panahon ngayon. Bagaman sa kasalukuyan, maaaring kayo ay tulad ng mga haligi ng templo, darating ang isang sandali kung kailan lahat ng gayong haligi ay ngangatngatin ng mga uod, na magdudulot ng pagguho ng templo, dahil sa kasalukuyan, napakaraming pangitain ang kulang sa inyo. Pinag-uukulan lang ninyo ng pansin ang sarili ninyong maliliit na mundo, at hindi ninyo alam kung ano ang pinakamaaasahan at pinakaangkop na paraan ng paghahanap. Hindi ninyo pinapansin ang pangitain ng gawain sa kasalukuyan, hindi rin ninyo isinasapuso ang mga bagay na ito. Naisip na ba ninyo na isang araw ilalagay kayo ng inyong Diyos sa isang lubos na di-pamilyar na lugar? Maguguni-guni ba ninyo kung anong mangyayari sa inyo isang araw kung kailan maaari Kong agawin ang lahat sa inyo? Magiging pareho ba ang kalakasan ninyo sa araw na iyon sa ngayon? Muli bang lilitaw ang inyong pananampalataya? Sa pagsunod sa Diyos, kailangan ninyong malaman itong pinakadakilang pangitain na ang “Diyos”: Ito ang pinakamahalagang usapin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangan Ninyong Maunawaan ang Gawain—Huwag Kayong Sumunod Nang May Pagkalito!
630. Makikilala ng isang tao ang Diyos sa pamamagitan ng pananalig sa Kanya: Ito ang panghuling mithiin at ang mithiin ng pagsisikap ng tao. Dapat kang magsikap na isabuhay ang mga salita ng Diyos upang ang mga ito ay magbunga sa iyong pagsasagawa. Kung mayroon ka lamang kaalaman tungkol sa doktrina, ang iyong pananampalataya sa Diyos ay mauuwi sa wala. Tanging kung iyo ring isinasagawa at isinasabuhay ang Kanyang salita saka lamang maituturing na ganap ang iyong pananampalataya at ayon sa mga layunin ng Diyos. Sa landas na ito, maraming tao ang makapagsasalita ng maraming kaalaman, ngunit sa oras ng kanilang kamatayan, ang kanilang mga mata ay umaapaw sa mga luha, at kinapopootan nila ang kanilang mga sarili sa pagkakasayang sa isang buong buhay at pagkabuhay hanggang sa katandaan nang para sa wala. Nauunawaan lang nila ang mga doktrina ngunit hindi nila kayang isagawa ang katotohanan o magpatotoo sa Diyos; tumatakbo lang sila paroo’t parito, abalang-abala sila, at kapag naghihingalo na sila, saka lang nila nakikita sa wakas na kulang sila sa tunay na patotoo, na wala silang anumang kaalaman tungkol sa Diyos. Hindi ba’t ito ay masyadong huli na? Bakit hindi mo samantalahin ang araw at hangarin ang katotohanan na iyong minamahal? Bakit maghihintay ka pa hanggang kinabukasan? Kung sa buhay mo ay hindi ka nagdurusa para sa katotohanan o naghahangad na makamit ito, maaari kayang ninanais mong maramdaman ang panghihinayang sa oras na malapit ka nang mamatay? Kung gayon, bakit ka naniniwala sa Diyos? Sa realidad, maraming bagay kung saan maaaring isagawa ng mga tao ang katotohanan at palugurin ang Diyos, kung magsisikap lang sila nang napakakaunti. Ito ay dahil lang sobrang naguguluhan ang isipan ng mga tao na hindi sila makakilos alang-alang sa Diyos, at palaging nagmamadali para sa kapakanan ng kanilang laman, nang walang anumang nakakamit sa huli. Dahil dito, ang mga tao ay palaging pinahihirapan ng mga problema at paghihirap. Hindi ba’t ito ang mga pagpapahirap ni Satanas? Hindi ba’t ito ang katiwalian ng laman? Hindi mo dapat subukang linlangin ang Diyos sa pamamagitan ng walang kabuluhang salita. Sa halip, dapat kang gumawa ng aktwal na pagkilos. Huwag mong linlangin ang iyong sarili—ano ang magiging punto niyon? Ano ang iyong makakamit sa pamumuhay para sa kapakanan ng iyong laman at pakikipaglaban para sa kapakinabangan at kasikatan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Naniniwala Ka sa Diyos
631. Yaong mga hindi naghahangad ng buhay ay hindi mababago, at yaong mga hindi nauuhaw sa katotohanan ay hindi matatamo ang katotohanan. Hindi ka nagtutuon sa paghahangad na matamo ang personal na pagbabago at pagpasok, kundi sa halip ay sa maluluhong pagnanais at mga bagay na naglilimita sa iyong pagmamahal sa Diyos at humahadlang sa iyo na mapalapit sa Kanya. Mababago ka ba ng mga bagay na yaon? Madadala ka ba ng mga iyon papasok sa kaharian? Kung ang pakay ng iyong paghahangad ay hindi para hanapin ang katotohanan, mabuti pang samantalahin mo ang pagkakataong ito at bumalik ka sa sanlibutan upang hangarin iyon. Ang pagsasayang ng iyong panahon sa ganitong paraan ay talagang hindi sulit—bakit mo pahihirapan ang iyong sarili? Hindi ba totoo na maaari mong matamasa ang lahat ng uri ng bagay sa magandang sanlibutan? Pera, magagandang babae, katayuan, banidad, pamilya, mga anak, at iba pa—hindi ba ang mga produktong ito ng sanlibutan ang pinakamagagandang bagay na maaari mong matamasa? Ano ang silbi ng paggala-gala rito sa paghahanap ng isang lugar kung saan ka magiging masaya? Ang Anak ng tao ay walang mahimlayan ng Kanyang ulo, kaya paano ka magkakaroon ng isang lugar na maginhawa? Paano Siya lilikha ng isang magandang lugar na maginhawa para sa iyo? Posible ba iyon? Bukod sa Aking paghatol, ang matatanggap mo lamang ngayon ay ang mga turo tungkol sa katotohanan. Hindi ka makatatamo ng kaginhawahan mula sa Akin at hindi mo maaaring matamo ang maginhawang sitwasyong kinasasabikan mo gabi’t araw. Hindi Ko ipagkakaloob sa iyo ang mga yaman ng sanlibutan. Kung tapat kang naghahangad, handa Akong ibigay sa iyo nang buong-buo ang daan ng buhay, upang maging tulad ka ng isang isda na naibalik sa tubig. Kung hindi ka tapat na naghahangad, babawiin Ko itong lahat. Hindi Ako handang ibigay ang mga salitang nagmumula sa Aking bibig sa mga yaong ganid sa kaginhawahan, na katulad lamang ng mga baboy at aso!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?
632. Ngayon, ang pananampalataya ang nagtutulot sa iyo na malupig, at ang pagiging nalupig ang nagtutulot sa iyo na manalig sa bawat gawa ni Jehova. Dahil lamang sa pananampalataya kaya ka nakatatanggap ng gayong pagkastigo at paghatol. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol na ito, ikaw ay nilulupig at pineperpekto. Kung wala ang uri ng pagkastigo at paghatol na tinatanggap mo ngayon, ang iyong pananampalataya ay mawawalan ng kabuluhan, sapagkat hindi mo makikilala ang Diyos; kahit gaano ka naniniwala sa Kanya, ang iyong pananampalataya ay mananatiling mga hungkag na salita na walang basehan sa realidad. Matapos mo lang tanggapin ang gawaing ito ng paglupig, gawain na gumagawa sa iyo na lubos na mapagpasakop, na ang iyong pananampalataya ay nagiging totoo, at maaasahan, at ang iyong puso ay bumabaling sa Diyos. Kahit na ikaw ay nagdurusa ng matinding paghatol at pagsumpa dahil sa salitang ito, “pananampalataya,” ikaw magkagayunman ay may totoong pananampalataya at ikaw ay tumatanggap ng pinakatunay, pinakatotoo, at pinakamahalagang bagay. Ito ay dahil sa pagpapatuloy lamang ng paghatol na nakikita mo ang huling hantungan ng mga nilikha; sa paghatol na ito mo nakikita na ang Lumikha ay dapat ibigin; sa ganitong uri ng gawain ng paglupig mo namamasdan ang bisig ng Diyos; sa panlulupig na ito ka dumarating sa lubos na pagkaunawa sa buhay ng tao; sa panlulupig na ito mo natatamo ang tamang landas ng buhay ng tao at dumarating sa pagkaunawa sa totoong kahulugan ng “tao”; sa panlulupig na ito mo lang nakikita ang matuwid na disposisyon ng Makapangyarihan sa lahat at ang Kanyang maganda at maluwalhating mukha; sa gawain ng paglupig na ito mo natututunan ang tungkol sa pinagmulan ng tao at nauunawaan ang “walang-kamatayang kasaysayan” ng buong sangkatauhan; sa ganitong panlulupig ka dumarating sa pagkaintindi sa mga ninuno ng sangkatauhan at sa pinagmulan ng katiwalian ng sangkatauhan; sa panlulupig na ito ka nakatatanggap ng kaligayahan at kaginhawahan gayundin ng walang-katapusang pagkastigo, pagdidisiplina, at mga pangaral ng Lumikha sa sangkatauhang Kanyang nilikha; sa gawain ng paglupig na ito ka nakatatanggap ng mga pagpapala, gayundin ng mga sakuna na dapat tanggapin ng tao…. Hindi ba ang lahat ng ito ay dahil sa iyong mumunting pananampalataya? Matapos matamo ang mga bagay na ito, hindi ba lumago ang iyong pananampalataya? Hindi ka ba nakatamo ng napakalaking halaga? Hindi mo lamang narinig ang salita ng Diyos at nakita ang karunungan ng Diyos, kundi personal mo ring naranasan ang bawa’t hakbang ng Kanyang gawain. Siguro sasabihin mo na kung wala kang pananampalataya, hindi ka magdurusa ng ganitong uri ng pagkastigo o ganitong uri ng paghatol. Ngunit dapat mong malaman na kung walang pananampalataya, hindi ka lang hindi makatatanggap ng ganitong uri ng pagkastigo o ganitong uri ng pagkalinga mula sa Makapangyarihan sa lahat, kundi magpakailanmang maiwawala mo ang pagkakataong makatagpo ang Lumikha. Hinding-hindi mo malalaman ang pinagmulan ng sangkatauhan at hindi mauunawaan kailanman ang kabuluhan ng buhay ng tao. Kahit na ang iyong katawan ay mamatay at ang iyong kaluluwa ay yumao, hindi mo pa rin mauunawaan ang lahat ng gawa ng Lumikha, lalong hindi mo malalaman na gumawa ng gayong kadakilang gawain sa mundo ang Lumikha matapos Niyang likhain ang sangkatauhan. Bilang kasapi nitong sangkatauhan na Kanyang ginawa, ikaw ba ay pumapayag na walang-muwang na mahulog sa kadiliman nang ganito at magdusa ng walang-hanggang kaparusahan? Kung ihihiwalay mo ang iyong sarili sa pagkastigo at paghatol ngayon, ano ang iyong kakatagpuin? Sa tingin mo ba na kapag maihiwalay mula sa kasalukuyang paghatol, makatatakas ka sa mahirap na buhay na ito? Hindi ba totoo na kung lilisanin mo ang “lugar na ito,” ang iyong haharapin ay masakit na pagpapahirap o malulupit na pinsalang ipinapataw ng mga diyablo? Maaari ka bang maharap sa di-makayanang mga araw at mga gabi? Sa tingin mo ba dahil lang tinatakasan mo ang paghatol na ito ngayon, magpakailanman mong maiiwasan ang pagpapahirap sa hinaharap? Ano kaya ang darating sa iyo? Ito kaya ang Shangri-La na iyong inaasahan? Sa tingin mo ba ay matatakasan mo ang walang-hanggang pagkastigo sa hinaharap sa pamamagitan lang ng pagtakas sa realidad gaya ng iyong ginagawa ngayon? Pagkatapos ng ngayon, makahahanap ka pa kaya muli ng ganitong uri ng pagkakataon at ganitong uri ng pagpapala? Matatagpuan mo ba ang mga ito kapag dinatnan ka ng sakuna? Matatagpuan mo ba ang mga ito kapag ang buong sangkatauhan ay pumasok na sa kapahingahan? Ang kasalukuyang masaya mong buhay at ang iyong magkaayong munting pamilya—makakahalili ba sila sa iyong walang-hanggang hantungan sa hinaharap? Kung ikaw ay may totoong pananampalataya, at kung marami kang natatamo dahil sa iyong pananampalataya, lahat ng iyan ay ang dapat mo—na isang nilalang—na matamo at gayundin ay ang dapat mong taglay noon pa man. Wala nang mas kapaki-pakinabang sa iyong pananampalataya at buhay kaysa gayong panlulupig.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (1)
633. Nang hinampas ni Moises ang bato, at ang tubig na ibinigay ni Jehova ay bumukal, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang tinugtog ni David ang lira sa pagpupuri sa Akin, si Jehova—na ang kanyang puso ay puno ng kagalakan—ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nawala kay Job ang kanyang mga hayop na pumupuno sa mga bundok at ang di-masukat na kayamanan, at ang kanyang katawan ay napuno ng masasakit na pigsa, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Kapag naririnig niya ang tinig Ko, si Jehova, at nakikita ang Aking kaluwalhatian, si Jehova, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nakasunod si Pedro kay Jesucristo dahil sa kanyang pananampalataya. Naipako siya sa krus alang-alang sa Akin at nakapagbigay ng maluwalhating patotoo dahil din sa kanyang pananampalataya. Nang makita ni Juan ang maluwalhating larawan ng Anak ng tao, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang makita niya ang pangitain ng mga huling araw, lalo nang lahat ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Ang dahilan kung bakit ang sinasabing karamihan ng mga bansang Hentil ay nakatamo ng Aking paghahayag, at nakaalam na nakabalik na Ako sa katawang-tao upang gawin ang Aking gawain sa gitna ng tao, ay dahil din sa kanilang pananampalataya. Lahat niyaong hinahampas ng Aking malupit na mga salita ngunit nabibigyang-aliw ng mga iyon at inililigtas—hindi ba nila nagawa ang gayon dahil sa kanilang pananampalataya? Yaong mga naniniwala sa Akin ngunit nagdaranas pa rin ng mga paghihirap, hindi ba itinakwil na rin sila ng mundo? Yaong mga namumuhay sa labas ng Aking salita, na tumatakas sa pagdanas ng pagsubok, hindi ba lahat sila ay palutang-lutang sa buong mundo? Katulad sila ng mga dahon sa taglagas na naglalaglagan kung saan-saan, walang mapagpahingahan, lalong wala sila ng Aking mga salita ng pag-aliw. Bagama’t hindi sila sinusundan ng Aking pagkastigo at pagpipino, hindi ba sila mga pulubing palutang-lutang kung saan-saan, pagala-gala sa mga lansangan sa labas ng kaharian ng langit? Talaga bang ang mundo ang iyong pahingahan? Matatamo mo ba talaga, sa pag-iwas sa Aking pagkastigo, ang pinakabahagyang ngiti ng kasiyahan mula sa mundo? Magagamit mo ba talaga ang iyong panandaliang kasiyahan upang pagtakpan ang kahungkagan sa iyong puso, kahungkagan na hindi maitatago? Maaari mong lokohin ang lahat sa iyong pamilya, ngunit hinding-hindi mo Ako maloloko. Dahil napakaliit ng iyong pananalig, hanggang sa araw na ito, wala ka pa ring kapangyarihang makasumpong ng anuman sa mga katuwaang handog ng buhay. Hinihimok kita: mas mabuti pang taos-puso mong gugulin ang kalahati ng iyong buong buhay para sa Akin kaysa gugulin mo ang iyong buong buhay nang katamtaman at kaabalahan para sa laman, na tinitiis ang lahat ng pagdurusang halos hindi makayanan ng isang tao. Ano ang silbi ng pagpapahalaga nang husto sa iyong sarili at pagtakas mula sa Aking pagkastigo? Ano ang silbi ng itago ang iyong sarili mula sa Aking panandaliang pagkastigo para lamang umani ng walang-hanggang kahihiyan, ng walang-hanggang pagkastigo? Sa katunayan, hindi Ko ipinipilit kaninuman ang mga hinihingi Ko. Kung talagang handa ang isang tao na magpasakop sa lahat ng Aking plano, hindi Ko sila tatratuhin nang masama. Ngunit kinakailangan Ko na maniwala sa Akin ang lahat ng tao, tulad ng paniniwala ni Job sa Akin, si Jehova. Kung ang inyong pananampalataya ay higit pa kaysa kay Tomas, matatamo ng inyong pananampalataya ang Aking papuri, sa inyong katapatan matatagpuan ninyo ang Aking kaligayahan, at siguradong matatagpuan ninyo ang Aking kaluwalhatian sa inyong mga araw.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao
634. Kung maglalatag Ako ng kaunting pera sa harap ninyo ngayon mismo at bibigyan kayo ng kalayaang pumili—at hindi Ko kayo kokondenahin nang dahil sa pinili ninyo—pipiliin ng karamihan sa inyo ang pera at tatalikuran ang katotohanan. Ang mas mabubuti sa inyo ay tatalikuran ang pera at atubiling pipiliin ang katotohanan, habang yaong mga nasa gitna ay susunggaban ang pera sa isang kamay at ang katotohanan sa kabilang kamay. Hindi ba kusang lalabas ang tunay ninyong kulay sa ganoon? Sa pagpili sa pagitan ng katotohanan at ng anumang bagay na tapat kayo, lahat kayo ay pipili sa ganitong paraan, at magiging pareho pa rin ang saloobin ninyo. Hindi ba’t ganoon? Hindi ba marami sa inyo ang nag-alinlangan sa pagitan ng tama at mali? Sa lahat ng pakikibaka sa pagitan ng positibo at negatibo, ng itim at puti—sa pagitan ng pamilya at ng Diyos, ng mga anak at ng Diyos, ng pagkakasundo at pagkakawatak, ng kayamanan at kahirapan, ng katayuan at pagiging ordinaryo, ng masuportahan at ng maitakwil, at iba pa—tiyak na hindi kayo mangmang sa mga ginawa ninyong desisyon! Sa pagitan ng nagkakasundong pamilya at ng watak-watak na pamilya, pinili ninyo ang nauna, at ginawa ninyo iyon nang walang pag-aatubili; sa pagitan ng kayamanan at ng tungkulin, muli ninyong pinili ang nauna, at ayaw pa nga ninyong bumalik sa pampang;[a] sa pagitan ng luho at ng kahirapan, pinili ninyo ang nauna; sa pagpili sa pagitan ng alinman sa inyong mga anak, misis, at mister o Ako, pinili ninyo ang nauna; at sa pagitan ng mga kuru-kuro at ng katotohanan, pinili pa rin ninyo ang nauna. Nahaharap sa lahat ng klase ng inyong masasamang gawa, talagang nawalan na Ako ng tiwala sa inyo, talagang namangha Ako. Hindi inaasahan na ang inyong puso ay walang kakayahan na maging malambot. Ang dugo ng puso na ginugol ko sa loob ng maraming taon ay kagulat-gulat na walang idinulot sa akin kundi ang inyong pang-aabandona at kawalan ng gana, ngunit lumalago ang pag-asa Ko para sa inyo sa bawat araw na lumilipas, dahil ang araw Ko ay ganap nang nailantad sa harapan ng lahat. Ngunit ngayon ay hinahangad pa rin ninyo ang madidilim at masasamang bagay, at ayaw ninyong pakawalan ang mga ito. Ano, kung gayon, ang inyong kalalabasan? Naisaalang-alang na ba ninyo itong mabuti? Kung papipiliin kayong muli, ano kaya ang magiging saloobin ninyo? Ang nauna pa rin kaya? Bibigyan pa rin ba ninyo Ako ng pagkabigo at masakit na kalungkutan? Ang puso ba ninyo ay magtataglay pa rin ng kaunting pagkagiliw lang? Hindi pa rin kaya ninyo malalaman kung paano aaliwin ang puso Ko? Sa sandaling ito, ano ang pipiliin ninyo? Magpapasakop ba kayo sa Aking mga salita o tututol sa mga ito? Nailatag na ang araw Ko sa harapan ninyo mismo, at nahaharap kayo sa isang bagong buhay at bagong simula. Gayunman, kailangan Kong sabihin sa inyo na ang simulang ito ay hindi pagsisimula ng nakaraang bagong gawain, kundi pagwawakas ng dati. Ibig sabihin, ito ang huling yugto. Palagay Ko naiintindihan ninyong lahat kung ano ang kakaiba sa simulang ito. Gayunman, hindi magtatagal at mauunawaan ninyo ang tunay na kahulugan ng simulang ito, kaya’t sama-sama nating lagpasan ito at salubungin ang pagdating ng katapusan! Gayunman, ang patuloy Kong inaalala tungkol sa inyo ay, kapag naharap kayo sa kawalang-katarungan at katarungan, lagi ninyong pinipili ang nauna. Gayunman, lahat ng ito ay nakaraan ninyo. Inaasam Ko ring makalimutan ang lahat ng nakaraan ninyo, bagama’t napakahirap gawin nito. Gayunman, mayroon Akong napakagandang paraan ng paggawa nito: Hayaang palitan ng hinaharap ang nakaraan, at iwaksi ang mga anino ng inyong nakaraan kapalit ng totoong kayo ngayon. Kaya naman kailangan Ko kayong abalahin na muling pumili: Kanino ba talaga kayo tapat?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?
Talababa:
a. Magbago ng isip: isang Chinese idiom na ang ibig sabihin ay “tumalikod sa masasamang gawi.”
635. Ang kabataan ay hindi dapat mawalan ng mga adhikain, sigasig, at ng isang masiglang espiritung nagpupunyagi pataas; hindi sila dapat panghinaan ng loob tungkol sa kanilang mga kinabukasan, at ni hindi sila dapat mawalan ng pag-asa sa buhay o ng pananalig sa hinaharap; dapat silang magkaroon ng pagpupursiging magpatuloy sa daan ng katotohanan na pinili na nila ngayon—upang matanto ang kanilang naising gugulin ang kanilang buong buhay para sa Akin. Hindi sila dapat walang katotohanan, ni hindi sila dapat magkimkim ng pagiging mapagpaimbabaw at kawalan ng katarungan—dapat silang maging matatag sa kanilang wastong paninindigan. Hindi sila dapat sumunod sa agos, kundi dapat silang magkaroon ng espiritung may tapang na magsakripisyo at makibaka para sa katarungan at katotohanan. Ang mga kabataan ay dapat magkaroon ng katapangang huwag sumuko sa pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman at baguhin ang kabuluhan ng kanilang pag-iral. Hindi dapat magpasakop na lang sa paghihirap ang mga kabataan, kundi ang mas dapat nilang gawin ay magkaroon ng diwa ng pagiging bukas at prangka, at ng pagpapatawad sa kanilang mga kapatid. Siyempre, ito ang mga hinihingi Ko sa lahat, at ang Aking payo sa lahat. Ngunit higit pa riyan, ito ang Aking mga salitang magpapaginhawa sa lahat ng kabataan. Dapat kayong magsagawa ayon sa Aking mga salita. Lalo na, hindi dapat mawalan ng paninindigan ang mga kabataan na malinaw na kilatisin ang mga takbo ng mga bagay at maghanap ng katarungan at katotohanan. Dapat ninyong hangarin ang lahat ng bagay na maganda at mabuti, at dapat ninyong matamo ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Higit pa rito, dapat kayong maging responsable para sa inyong buhay, at hindi ninyo dapat ito ipagwalang-bahala. Pumaparito sa lupa ang mga tao at bihirang Ako ay matagpuan, at bihira ding magkaroon ng oportunidad na hanapin at matamo ang katotohanan. Bakit hindi ninyo pahalagahan ang magandang panahong ito bilang tamang landas na hahangarin sa buhay na ito? At bakit ninyo binabalewala palagi ang katotohanan at katarungan? Bakit ninyo palaging niyuyurakan at sinisira ang inyong sarili para sa kasamaan at karumihang nilalaro ang mga tao? At bakit kayo kumikilos na katulad ng matatandang iyon na nakikisali sa ginagawa ng masasama? Bakit ninyo ginagaya ang mga lumang paraan ng mga lumang bagay? Dapat mapuno ng katarungan, katotohanan, at kabanalan ang inyong buhay; hindi dapat maging ubod ng sama ang inyong buhay nang napakaaga, na maghahantong sa inyo na masadlak sa Hades. Hindi ba ninyo nadarama na ito ay magiging isang kakila-kilabot na kasawian? Hindi ba ninyo nadarama na magiging lubha itong hindi makatarungan para sa inyo?
Dapat ninyong gawing lahat ang lubos na perpektong gawain ninyo at isakripisyo ito sa Aking altar, at gawin itong ang nag-iisa—at ang pinakamalaki—na sakripisyo na ibinibigay ninyo sa Akin. Dapat kayong maging matatag na lahat sa inyong sariling paninindigan at huwag patangay sa bawat nagdaraang ihip ng hangin na gaya ng mga ulap sa himpapawid. Nagtatrabaho kayo nang husto sa kalahati ng inyong buhay, kaya bakit hindi ninyo hahanapin ang hantungang nararapat sa inyo? Nagpapakahirap kayo sa kalahati ng inyong buong buhay, subalit hinahayaan ninyo ang inyong parang baboy at asong mga magulang na tangayin sa libingan ang katotohanan at kabuluhan ng inyong personal na pag-iral. Palagay mo ba hindi ito malaking kawalan ng katarungan laban sa iyo? Hindi mo ba nadarama na mas walang kabuluhan ang ganitong paraan ng pamumuhay kaysa sa ibang paraan? Ang paghahanap sa katotohanan at sa tamang landas sa ganitong paraan ay maghahatid ng mga problema kaya nababalisa ang mga kapitbahay at nalulungkot ang buong pamilya, at hahantong ito sa nakamamatay na mga sakuna. Kung ganito ang iyong pamumuhay, hindi ba katumbas ito ng isang buhay na napakawalang-kahulugan? Kaninong buhay ang maaaring mas masuwerte kaysa sa iyo, at kaninong buhay ang maaaring mas katawa-tawa kaysa sa iyo? Hindi mo ba Ako hinahanap para matamo ang Aking kagalakan at mga salita ng kaginhawahan para sa iyo? Ngunit matapos kang magpaikut-ikot nang halos kalahati ng iyong buong buhay, ginagalit mo Ako hanggang sa mapuno na Ako ng galit at balewalain na kita o hindi na kita sang-ayunan—hindi ba ito nangangahulugan na nawalan ng kabuluhan ang iyong buong buhay? Paano mo naatim na tingnan ang mga kaluluwa ng mga banal na iyon sa nagdaang mga kapanahunan na napalaya na mula sa purgatoryo? Binabalewala mo Ako at sa huli ay pinupukaw mo ang isang nakamamatay na sakuna—mas mabuti pang samantalahin ang oportunidad na ito at masayang maglayag patawid ng malawak na karagatan at pagkatapos ay sundin ang Aking “ipinagagawa.” Sinabi Ko na sa inyo noon pa: Iyong mga hindi gaanong interesado—gaya mo ngayon—subalit ayaw umalis ay pasasailalim at lalamunin sa huli ng mga alon na nilikha Ko. Kaya ba ninyo talagang protektahan ang inyong sarili? May tiwala ka ba talaga na matitiyak ng iyong kasalukuyang paraan ng paghahangad na gawin kang perpekto? Hindi ba’t matigas ang puso mo? Ang ganitong klaseng pagsunod, ganitong klaseng pagsisikap, ganitong klaseng buhay, at ganitong klaseng pagkatao—paano nito matatamo ang Aking pagsang-ayon?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita Para sa mga Kabataan at Matatanda
636. Hindi nais ng Diyos na lupigin ang mga tao sa pamamagitan ng pagkastigo, hindi Niya nais pamunuan ang mga tao nang may pamimilit. Nais Niya na magpasakop ang mga tao sa Kanyang mga salita at gumawa na may disiplina, at sa pamamagitan nito, matugunan ang Kanyang mga layunin. Ngunit walang kahihiyan ang mga tao at patuloy na naghihimagsik laban sa Kanya. Naniniwala ako na pinakamabuti sa atin na hanapin ang pinakasimpleng paraan upang bigyan Siya ng kasiyahan, iyon ay ang magpasakop sa lahat ng Kanyang pagsasaayos. Kung talagang magagawa mo ito, ikaw ay gagawing perpekto. Hindi ba’t madali, at masayang bagay ito? Tahakin ang daan na dapat mong tahakin; huwag pansinin ang sinasabi ng iba, at huwag masyadong mag-isip. Nasa mga kamay mo ba ang iyong kinabukasan at kapalaran? Palagi kang nagtatangkang tumakas, na naghahangad na tahakin ang makamundong daan—ngunit bakit hindi ka makatakas? Bakit nag-aalinlangan ka sa sangang-daan sa loob ng maraming taon at pagkatapos humahantong din sa pagpili muli sa daang ito? Matapos magpagala-gala nang maraming taon, bakit bumalik ka ngayon sa bahay na ito kahit ayaw mo? Ikaw ba ang nagpasya nito? Para sa inyo na nasa daloy na ito, kung hindi ninyo Ako pinaniniwalaan, pakinggan ito: Kung balak mong umalis, subukan mo kung papayagan ka ng Diyos, tingnan mo kung paano ka aantigin ng Banal na Espiritu—danasin mo ito para sa iyong sarili. Hayagan kong sasabihin, kahit magdanas ka ng kasawiang-palad, kailangan mong matiis ito sa daloy na ito, at kung may pagdurusa, dapat kang magdusa rito, ngayon; hindi ka makakapunta sa ibang lugar. Malinaw ba ito sa iyo? Saan ka pupunta? Ito ang atas administratibo ng Diyos. Iniisip mo ba na ang pagpili ng Diyos sa grupong ito ng mga tao ay walang kahulugan? Sa Kanyang gawain ngayon, ang Diyos ay hindi kaagad nagagalit—ngunit kapag tinatangka ng mga tao na sirain ang Kanyang plano, kaagad nagbabago ang Kanyang mukha, ang dating maaliwalas ay nagiging madilim. Kaya, pinapayuhan kita na magpakumbaba at hayaan ang Diyos na pamatnugutan ka, at tulutan Siya na gawin kang ganap. Tanging ang gumagawa nito ay matatalino.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … (7)
637. Napakahalaga sa inyo ng inyong hantungan at kapalaran—ang mga ito ay may malaking importansiya sa inyo. Naniniwala kayong kapag hindi ninyo ginawa ang mga bagay nang napakaingat, mangangahulugan ito na mawawalan kayo ng hantungan, na winasak ninyo ang sarili ninyong kapalaran. Subalit naisip na ba ninyo kailanman na ang mga taong nagsusumikap para lamang sa kanilang hantungan ay nagpapakapagod nang walang kabuluhan? Hindi tunay ang gayong mga pagsisikap—huwad at mapanlinlang ang mga iyon. Kung gayon, ang mga taong gumugugol ng pagsisikap para lamang sa kanilang hantungan ay nasa bungad na ng kanilang pangwakas na pagkatalo, dahil ang kabiguan sa pananampalataya ng isang tao sa Diyos ay dulot ng panlilinlang. Nasabi Ko na noon na ayaw Ko na binobola Ako o kapag may sumisipsip sa Akin, o kapag pinapakitunguhan Ako nang may kasiglahan. Gusto Ko na ang matatapat na tao ay humarap sa Aking katotohanan at sa Aking mga inaasahan. Higit pa rito, gusto Ko kapag nagagawa ng mga tao na magpakita ng lubos na pagsasaalang-alang sa Aking puso, at kapag nagagawa pa nga nilang gugulin ang lahat para sa Aking kapakanan. Sa ganitong paraan lamang maaaring mabigyan ng kaginhawahan ang Aking puso. Sa ngayon, ilang bagay tungkol sa inyo ang hindi Ko nagugustuhan? Ilang bagay tungkol sa inyo ang nagugustuhan Ko? Maaari kayang walang sinuman sa inyo ang nakapagtanto ng lahat ng iba’t ibang pagpapakita ng kapangitang inyong ginawa alang-alang sa inyong hantungan?
Sa Aking puso, hindi Ko ninanais makasakit ng anumang pusong positibo at naghahangad ng pag-unlad, at lalong ayaw Kong pawiin ang kasigasigan ng sinumang debotong gumagawa ng kanyang tungkulin. Gayumpaman, kailangan Kong paalalahanan ang bawat isa sa inyo tungkol sa inyong mga pagkukulang at sa maruming kaluluwa na nasa pinakakaibuturan ng inyong mga puso. Ginagawa Ko lang ito sa pag-asang magagawa ninyong ihandog ang inyong taos na puso sa pagharap sa Aking mga salita, dahil ang pinakakinasusuklaman Ko ay ang panlilinlang ng mga tao sa Akin. Umaasa lamang Ako na sa huling yugto ng Aking gawain, maibibigay ninyo ang inyong pinakamahusay na pagganap, at na ilalaan ninyo ang inyong mga sarili nang buong puso, hindi na nagdadalawang-isip. Siyempre, umaasa rin Ako na lahat kayo ay magkakaroon ng isang magandang hantungan. Gayumpaman, mayroon pa rin Akong hinihingi, at ito ay ang magawa ninyo ang pinakamahusay na desisyon sa paghahandog sa Akin ng inyong natatangi at huling katapatan. Kung may isang tao na walang ganoong natatanging katapatan, tiyak na siya ay isang iniingatang pag-aari ni Satanas, at hindi Ko na ipagpapatuloy ang paggamit sa kanya, kundi pauuwiin Ko siya para maalagaan ng kanyang mga magulang.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan
638. Sa hinaharap, kung ikaw man ay pagpapalain o magdurusa ng kasawian ay pagpapasiyahan batay sa inyong mga kilos at asal ngayon. Kung kayo ay gagawing perpekto ng Diyos, tiyak na ito ay sa kasalukuyang kapanahunang ito; hindi na magkakaroon ng iba pang pagkakataon sa hinaharap. Ngayon din, nais talaga kayong gawing perpekto ng Diyos, at ito ay hindi isang paraan ng pagsasalita. Sa hinaharap, kung anumang mga pagsubok ang sumapit sa inyo, anumang mga pangyayari ang maganap, o anumang mga sakuna ang dumating sa inyo, kayo ay nais na gawing perpekto ng Diyos; ito ay isang tiyak at hindi mapagdududahang katunayan. Mula saan ito kayang makita? Nakikita ito sa katunayan na ang salita ng Diyos, sa lahat ng kapanahunan at mga henerasyon, ay hindi kailanman nakarating sa gayong kataas na tugatog at nakapasok sa pinakamataas na kinasasaklawan na gaya ng ngayon. Ang gawain ng Banal na Espiritu sa lahat ng tao ngayon ay hindi pa kailanman nangyari. Halos walang sinuman mula sa mga henerasyong lumipas ang nakaranas nito; kahit na sa panahon ni Jesus wala ang mga pahayag ng panahon ngayon. Ang mga salitang sinabi sa inyo, kung ano ang naiintindihan ninyo, at ang inyong karanasan ay pawang nakaabot na sa tugatog ng mga ito. Kahit sa gitna ng mga pagsubok at mga pagkastigo, at ito ay sapat na upang patunayan na ang gawain ng Diyos ay umabot na sa hindi pa narating na kaluwalhatian. Ito ay hindi isang bagay na kayang gawin ng tao. Ito ay hindi isang bagay na pinananatili ng tao; nguni’t sa halip ito ay gawain ng Diyos Mismo. Kaya, mula sa maraming katunayan ng gawain ng Diyos makikita na nais gawing perpekto ng Diyos ang tao, at tiyak na kaya Niya kayong gawing ganap. Kung makaya ninyong makita ito, kung makaya ninyong magkaroon ng bagong pagtuklas na ito, hindi ninyo na hihintayin ang ikalawang pagdating ni Jesus; sa halip, ay hahayaan ninyong gawing ganap kayo ng Diyos sa kasalukuyang panahon. Kaya, nararapat na ang bawa’t isa sa inyo ay gawin ang lubos na makakaya at huwag maglimita ng pagpupunyagi upang kayo ay maaaring gawing perpekto ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagganap ng Bawat Isa sa Kanilang Tungkulin
639. Ang nais ng Diyos ay magawang perpekto ang bawat tao, sa kahuli-hulihan ay makamit Niya, ganap na malinis Niya, at maging mga tao na Kanyang minamahal. Sinasabi Ko man na kayo ay paurong o may mahinang kakayahan, pawang totoo ang mga ito. Ang pagsasabi Ko nito ay hindi nagpapatunay na binabalak Kong abandonahin kayo, na nawalan na Ako ng pag-asa sa inyo, lalong hindi na ayaw Kong iligtas kayo. Naparito Ako ngayon upang gawin ang gawain ng pagliligtas sa inyo, na ang ibig sabihin ay ang gawain na Aking ginagawa ay isang pagpapatuloy ng gawain ng pagliligtas. Ang bawat tao ay may pagkakataon upang magawang perpekto: Basta’t ikaw ay handa, basta’t patuloy kang naghahangad, sa huli ay magagawa mong makamit ang resultang ito, at walang sinuman sa inyo ang maaabandona. Kung mahina ang iyong kakayahan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong mahinang kakayahan; kung magaling ang iyong kakayahan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong magaling na kakayahan; kung ikaw ay ignorante at mangmang, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong kamangmangan; kung ikaw ay may pinag-aralan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa katunayan na ikaw ay may pinag-aralan; kung ikaw ay nakatatanda, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong katandaan; kung ikaw ay may kakayahang gawin ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, ang Aking mga hihingin sa iyo ay magiging alinsunod dito; kung sinasabi mong hindi mo magagawa ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, at magagampanan mo lamang ang isang partikular na tungkulin, ito man ay pangangaral ng ebanghelyo, o pag-aalaga sa iglesia, o pag-aasikaso sa iba’t ibang mga pangkalahatang usapin, ang Aking pagpeperpekto sa iyo ay magiging alinsunod sa tungkulin na iyong ginagampanan. Ang pagiging tapat, ang pagpapasakop hanggang sa pinakahuli, at ang paghahangad na magkaroon ng pinakadakilang pagmamahal sa Diyos—ito ang kailangan mong tuparin, at wala nang iba pang mas magandang mga pagsasagawa kaysa sa tatlong bagay na ito. Sa kahuli-hulihan, kinakailangang makamit ng tao ang tatlong bagay na ito, at kung makakamit niya ang mga iyon, sa gayon ay gagawin siyang perpekto. Ngunit, sa ibabaw ng lahat, dapat kang talagang maghabol, dapat kang aktibong magpatuloy nang pasulong at pataas, at huwag maging walang-kibo sa bagay na iyan. Nasabi Ko na ang bawat tao ay may pagkakataong magawang perpekto at may kakayahang magawang perpekto, at ito ay totoo, ngunit hindi mo sinusubukang maging mas mahusay sa iyong paghahangad. Kung hindi mo nakakamit ang tatlong batayang ito, kung gayon sa katapusan, dapat kang itiwalag. Nais Ko na ang lahat ay makahabol, nais Ko na ang lahat ay magkaroon ng gawain at ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at magawang magpasakop hanggang sa pinakahuli, sapagkat ito ang tungkulin na dapat gampanan ng bawat isa sa inyo. Kapag nagagampanan na ninyong lahat ang inyong tungkulin, lahat kayo ay magiging perpekto na, magkakaroon din kayo ng matunog na patotoo. Ang lahat niyaong mayroong patotoo ay yaong mga nagiging matagumpay laban kay Satanas at natatamo ang pangako ng Diyos, at sila ang mga mananatili upang manirahan sa kamangha-manghang hantungan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan
640. Ang sangkatauhan, na lumayo mula sa panustos ng buhay ng Makapangyarihan sa lahat, ay hindi nakakaalam kung ano ang layon ng kanilang pag-iral, subalit takot pa rin sa kamatayan. Wala silang tulong o masasandalan, ngunit atubili pa ring ipikit ang kanilang mga mata, at nagpapakatatag sila para mapanatili ang kanilang katawang laman, na walang anumang espirituwal na pakiramdam, at pinatatagal nila ang walang dangal na pag-iral sa mundong ito. Sa ganitong paraan ka namumuhay, walang pag-asa, walang layunin na tulad ng iba. Tanging ang Banal na Isa ng alamat ang magliligtas sa mga tao, na habang nananaghoy sa kanilang pagdurusa, ay lubhang umaasam sa Kanyang pagdating. Ang gayong paniniwala ay matagal nang hindi pa rin nagaganap sa mga yaong walang kamalayan. Gayumpaman, inaasam pa rin nila ito. Ang Makapangyarihan sa lahat ay may habag sa mga taong ito na nagdurusa nang labis; kasabay nito, nakakaramdam Siya ng pagkasuya sa mga taong ito na talagang walang anumang kamalayan, dahil kailangan Niyang maghintay nang napakatagal bago Siya makatanggap ng sagot mula sa mga tao. Gusto Niyang maghanap, hanapin ang iyong puso at ang iyong espiritu, at bigyan ka ng tubig at pagkain, upang magising ka at hindi ka na mauhaw o magutom. Kapag pagod ka na at nararamdaman mo ang kapanglawan ng mundong ito, huwag kang magulumihanan, huwag manangis. Yayakapin ng Makapangyarihang Diyos, ang Tagapagbantay, ang iyong pagdating anumang oras. Siya ay lagi sa iyong tabi upang bantayan ka. Siya ay naghihintay na bumalik ka, hinihintay Niya ang araw na biglang babalik ang iyong alaala: na matatanto mo na ikaw ay nagmula sa Diyos, at na minsan ay nawalan ka ng direksyon, at minsan ay nawalan ka ng malay sa daan at minsan ay nagkaroon ka ng “ama”; na matatanto mo, bukod pa riyan, na ang Makapangyarihan sa lahat ay laging nagmamasid, naghihintay nang napakatagal na panahon sa iyong pagbabalik. Sabik na sabik na Siya, naghihintay ng tugon na hindi dumarating. Ang Kanyang pagbabantay ay hindi matutumbasan, at ito ay para sa kapakanan ng puso at espiritu ng tao. Marahil ang Kanyang pagbabantay ay walang tiyak na katapusan, o marahil ito ay nagwakas na. Ngunit dapat mong malaman kung saan talaga naroroon ang iyong puso at espiritu sa mismong sandaling ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat
641. Ang pagmamahal at awa ng Diyos ay nanunuot sa bawat isang detalye ng Kanyang gawain ng pamamahala, at nauunawaan man o hindi ng mga tao ang napakaingat na mga layunin ng Diyos, ginagawa Niya ang gawaing layon Niyang isakatuparan nang may hindi tumitigil na pagpupursigi. Gaano man nauunawaan ng mga tao ang pamamahala ng Diyos, maaaring maranasan ng lahat ang tulong at mga pakinabang na hatid ng gawain ng Diyos sa tao. Marahil, sa araw na ito, hindi mo pa nadama ang alinman sa pagmamahal o pagtustos ng buhay mula sa Diyos, ngunit hangga’t hindi mo iniiwan ang Diyos, at hindi mo isinusuko ang iyong determinasyong hangarin ang katotohanan, darating ang araw na makikita mo ang nakangiting mukha ng Diyos. Sapagkat ang layunin ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay para bawiin ang mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, hindi para talikdan ang mga taong nagawang tiwali ni Satanas at lumalaban sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos
642. Habang ginagawa ang gawain ng pagliligtas ng Diyos, bawat isang tao na maaaring iligtas ay ililigtas hangga’t maaari, at walang isa man sa kanila ang itatapon, dahil ang layunin ng gawain ng Diyos ay iligtas ang tao. Lahat sila, sa panahon ng pagliligtas ng Diyos sa tao, na hindi nagagawang magkamit ng pagbabago sa kanilang disposisyon—pati na lahat ng hindi nagagawang lubos na magpasakop sa Diyos—ay magiging mga pakay ng kaparusahan. Ang yugtong ito ng gawain—ang gawain ng mga salita—ay bubuksan sa mga tao ang lahat ng paraan at hiwaga na hindi nila nauunawaan, upang maunawaan nila ang mga layunin ng Diyos at mga ipinagagawa ng Diyos sa kanila, at upang mapasakanila ang mga kinakailangan upang maisagawa ang mga salita ng Diyos at magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon. Ang Diyos ay gumagamit lamang ng mga salita upang gawin ang Kanyang gawain at hindi pinarurusahan ang mga tao dahil sa pagiging medyo mapanghimagsik; ito ay dahil ngayon na ang panahon ng gawain ng pagliligtas. Kung parurusahan ang sinumang kumilos nang mapanghimagsik, walang sinumang magkakaroon ng pagkakataon na maligtas; lahat ay parurusahan at babagsak sa Hades. Ang layunin ng paggamit ng mga salita para hatulan ang tao ay upang tulutan ito na makilala ang sarili nito at magpasakop ito sa Diyos; hindi ito para parusahan ito sa gayong paghatol. Sa panahon ng gawain ng mga salita, ilalantad ng maraming tao ang kanilang paghihimagsik at paglaban, gayundin ang kanilang kawalan ng pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao. Gayumpaman, hindi Niya parurusahan ang lahat ng taong ito dahil dito, kundi sa halip ay itatakwil lamang iyong mga tiwali sa kaloob-looban at hindi maaaring iligtas. Ibibigay Niya ang kanilang laman kay Satanas, at sa iilang sitwasyon, wawakasan ang kanilang laman. Iyong mga natira ay patuloy na susunod at mararanasang mapungusan. Kung, habang sumusunod, hindi pa rin kayang tanggapin ng mga taong ito na mapungusan, at lalong sumama nang sumama, mawawalan sila ng pagkakataong maligtas. Bawat taong tumanggap sa paglupig ng mga salita ng Diyos ay magkakaroon ng ilang pagkakataon para maligtas; sa pagliligtas ng Diyos sa bawat isa sa mga taong ito ay magiging maluwag Siya sa kanila hangga’t maaari. Sa madaling salita, pakikitaan sila ng lubos na kaluwagan. Hangga’t tumatalikod ang mga tao mula sa maling landas, at hangga’t nakakapagsisi sila, bibigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataong makamtan ang Kanyang pagliligtas. Sa unang paghihimagsik ng mga tao laban sa Diyos, wala Siyang hangad na hampasin sila; sa halip, ginagawa Niya ang lahat upang iligtas sila. Kung wala talagang paraang mailigtas ang isang tao, itatakwil sila ng Diyos. Kaya mabagal ang Diyos sa pagparusa sa ilang mga tao ay dahil nais Niyang iligtas ang lahat ng maaaring mailigtas. Hinahatulan, nililiwanagan, at ginagabayan Niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salita lamang, at hindi Siya gumagamit ng pamalo para hampasin sila. Ang paggamit ng mga salita upang iligtas ang mga tao ay ang layunin at kabuluhan ng huling yugto ng gawain.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Layunin ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao
643. Sa kalawakan ng mundo, ang mga karagatan ay nagiging mga kaparangan, at ang mga kaparangan ay nagiging mga karagatan, nang napakaraming beses. Maliban sa Kanya na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay sa gitna ng lahat ng bagay, walang sinuman ang may kakayahang umakay at gumabay sa sangkatauhang ito. Walang sinumang “makapangyarihang tao” ang magpapakapagod o maghahanda para sa sangkatauhang ito, lalo nang walang sinumang makakaakay sa sangkatauhang ito tungo sa hantungan ng liwanag at magpapalaya rito mula sa mga kawalan ng katarungan ng mundo ng tao. Naghihinagpis ang Diyos sa kinabukasan ng sangkatauhan, nagdadalamhati Siya sa pagbagsak ng sangkatauhan, at nasasaktan Siya na unti-unting naglalakad ang sangkatauhan patungo sa pagkabulok at sa landas na wala nang balikan. Wala pang sinumang nag-iisip tungkol dito: Saan maaaring tumungo ang gayong sangkatauhan, na yaong lubusang dumurog sa puso ng Diyos at tumalikod sa Kanya para hanapin ang masama? Ito mismo ang dahilan kung bakit walang sumusubok na damhin ang poot ng Diyos, kung bakit walang naghahanap sa daang nakakalugod sa Diyos o sumusubok na mapalapit sa Diyos, at lalong higit na walang sinuman ang nagtatangkang pahalagahan ang pagdadalamhati at pasakit ng Diyos. Kahit matapos marinig ang tinig ng Diyos, ang tao ay nagpapatuloy sa kanyang sariling landas, patuloy na tinatalikuran ang Diyos, umiiwas sa biyaya at kalinga ng Diyos, at lumalayo sa Kanyang katotohanan, mas ginugustong ibenta ang kanyang sarili kay Satanas, ang kaaway ng Diyos. At sino na ang nakapag-isip sa, kapag ipinilit ng tao ang katigasan ng kanyang ulo, paano tatratuhin ng Diyos ang sangkatauhang ito na labis na nagbabalewala sa Kanya? Walang nakakaalam na ang dahilan ng paulit-ulit na mga paalaala at panghihikayat ng Diyos sa tao ay dahil inihanda na Niya sa Kanyang mga kamay ang mga kalamidad na wala pang katulad, mga kalamidad na hindi kakayanin ng katawan at kaluluwa ng tao, hindi lamang isang kaparusahan sa katawan, kundi mga kaparusahan na pumupuntirya sa kaluluwa ng tao. Kailangan mong malaman ito: Anong klase ng galit ang pakakawalan ng Diyos kapag hindi natupad ang plano Niya, at kapag hindi nasuklian ang Kanyang mga paalaala at panghihikayat? Isang bagay ito na hindi pa nararanasan o nalalaman ng sinumang nilikha. Kaya sinasabi Ko, ang mga kalamidad na ito ay wala pang katulad, at hindi na mauulit kailanman. Sapagkat ang plano ng Diyos ay minsan lamang likhain ang sangkatauhan, at minsan lamang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang unang pagkakataon, at ito rin ang huli. Samakatwid, walang makakaunawa sa mga masusing layunin at taimtim na pag-aasam ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pagkakataong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao