Pineperpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso

Nais ng Diyos ngayon na matamo ang isang grupo ng mga tao, isang grupong binubuo ng mga nagsisikap na makipagtulungan sa Kanya, na kayang sumunod sa Kanyang gawain, na naniniwala na ang mga salitang binibigkas ng Diyos ay totoo, at kayang isagawa ang mga kinakailangan ng Diyos; sila yaong may tunay na pag-unawa sa kanilang puso, sila yaong maaaring gawing perpekto, at walang alinlangang magagawa nilang tumahak sa landas ng pagkaperpekto. Yaong mga hindi magagawang perpekto ay mga taong walang malinaw na pagkaunawa sa gawain ng Diyos, na hindi umiinom at kumakain ng mga salita ng Diyos, na hindi pumapansin sa Kanyang mga salita, at na walang pusong mapagmahal sa Diyos. Yaong mga nagdududa sa Diyos na nagkatawang-tao, laging nag-aalinlangan tungkol sa Kanya, hindi tinatrato nang seryoso ang Kanyang mga salita at lagi Siyang nililinlang ay mga taong lumalaban sa Diyos at nabibilang kay Satanas; walang paraan para gawing perpekto ang gayong mga tao.

Kung nais mong maperpekto, kailangan ka munang paboran ng Diyos, sapagkat pineperpekto Niya yaong mga pinapaboran Niya at kaayon ng Kanyang puso. Kung nais mong maging kaayon ng puso ng Diyos, kailangan mong magkaroon ng pusong sumusunod sa Kanyang gawain, kailangan mong sikaping hangarin ang katotohanan, at kailangan mong tanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos sa lahat ng bagay. Sumailalim na ba ang lahat ng ginagawa mo sa masusing pagsusuri ng Diyos? Tama ba ang iyong intensyon? Kung tama ang iyong intensyon, pupurihin ka ng Diyos; kung mali ang iyong intensyon, ipinapakita nito na ang minamahal ng puso mo ay hindi ang Diyos, kundi ang laman at si Satanas. Kung gayon, kailangan mong gamitin ang panalangin bilang isang paraan upang tanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos sa lahat ng bagay. Kapag nagdarasal ka, bagamat hindi Ako personal na nakatayo sa iyong harapan, sumasaiyo ang Banal na Espiritu, at nagdarasal ka kapwa sa Akin Mismo at sa Espiritu ng Diyos. Bakit ka naniniwala sa katawang-taong ito? Naniniwala ka dahil taglay Niya ang Espiritu ng Diyos. Maniniwala ka ba sa taong ito kung wala sa Kanya ang Espiritu ng Diyos? Kapag naniniwala ka sa taong ito, naniniwala ka sa Espiritu ng Diyos. Kapag natatakot ka sa taong ito, natatakot ka sa Espiritu ng Diyos. Ang pananampalataya sa Espiritu ng Diyos ay pananampalataya sa taong ito, at ang pananampalataya sa taong ito ay pananampalataya rin sa Espiritu ng Diyos. Kapag nagdarasal ka, nadarama mong sumasaiyo ang Espiritu ng Diyos at na ang Diyos ay nasa iyong harapan, at sa gayon ay nagdarasal ka sa Kanyang Espiritu. Sa panahong ito, karamihan sa mga tao ay masyadong takot na dalhin ang kanilang mga kilos sa harap ng Diyos; bagamat maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Anumang bagay na hindi makayanan ang masusing pagsusuri ng Diyos ay hindi nakaayon sa katotohanan, at nararapat na isantabi; kung hindi ay nagkakasala ka sa Diyos. Kaya, kailangan mong ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, kapag nagdarasal ka, kapag nagsasalita at nagbabahagi ka sa iyong mga kapatid, at kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin at ginagawa ang iyong gawain. Kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, sumasaiyo ang Diyos, at hangga’t tama ang iyong intensyon at iyon ay para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, tatanggapin Niya ang lahat ng ginagawa mo; dapat mong buong taimtim na ialay ang iyong sarili sa pagganap sa iyong tungkulin. Kapag nagdarasal ka, kung may puso kang nagmamahal sa Diyos at hangad mo ang malasakit, pangangalaga at masusing pagsusuri ng Diyos, kung ang mga bagay na ito ang iyong hangarin, magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Halimbawa, kapag nagdarasal ka sa mga pulong, kung bubuksan mo ang iyong puso at magdarasal ka sa Diyos at sasabihin mo sa Kanya kung ano ang nasa puso mo nang hindi ka nagsisinungaling, siguradong magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Kung mayroon kang maalab na pusong mapagmahal sa Diyos, manumpa ka sa Diyos: “Diyos ko, na nasa kalangitan at sa lupa at sa lahat ng bagay, isinusumpa ko sa Iyo: Nawa’y suriin ng Iyong Espiritu ang lahat ng ginagawa ko at protektahan at pangalagaan ako sa lahat ng oras, at gawing posible na lahat ng ginagawa ko ay tumayo sa Iyong presensya. Kung sakaling tumigil ang puso ko sa pagmamahal sa Iyo o pagtaksilan Ka nito, kastiguhin at isumpa Mo ako nang matindi. Huwag Mo akong patawarin sa mundong ito o kahit sa susunod!” Nangangahas ka bang manumpa nang gayon? Kung hindi, ipinapakita nito na ikaw ay kimi, at na mahal mo pa rin ang iyong sarili. May ganito ba kayong pagpapasya? Kung ito talaga ang inyong pagpapasya, dapat ninyong gawin ang panunumpang ito. Kung may pagpapasya kang gawin ang gayong panunumpa, tutuparin ng Diyos ang iyong pagpapasya. Kapag nanunumpa ka sa Diyos, nakikinig Siya. Tinutukoy ng Diyos kung ikaw ay makasalanan o matuwid sa pamamagitan ng iyong panalangin at iyong pagsasagawa. Ito ngayon ang proseso ng pagperpekto sa inyo, at kung talagang may pananalig ka na magagawang perpekto, dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang Kanyang masusing pagsusuri; kung gagawa ka ng isang bagay na labis na mapanghimagsik o kung pagtataksilan mo ang Diyos, gagawin Niyang magkatotoo ang iyong panunumpa, at sa gayon anuman ang mangyari sa iyo, mapahamak ka man o makastigo, kagagawan mo mismo ito. Ikaw ang nanumpa, kaya dapat mong tuparin ito. Kung ikaw ay nanumpa, ngunit hindi mo ito tinupad, mapapahamak ka. Yamang ikaw ang nanumpa, tutuparin ng Diyos ang iyong panunumpa. Natatakot ang ilan pagkatapos nilang manalangin, at dumaraing, “Tapos na ang lahat! Wala na ang pagkakataon ko sa kahalayan; wala na ang pagkakataon kong gumawa ng masasamang bagay; wala na ang pagkakataon kong magpakalulong sa aking mga makamundong pagnanasa!” Gustung-gusto pa rin ng mga taong ito na maging makamundo at magkasala, at tiyak na mapapahamak ang kanilang kaluluwa.

Ang maging mananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan na lahat ng ginagawa mo ay kailangang dalhin sa Kanyang harapan at sumailalim sa Kanyang masusing pagsusuri. Kung maihaharap ang iyong ginagawa sa Espiritu ng Diyos ngunit hindi sa katawang-tao ng Diyos, nagpapakita ito na hindi ka pa masusing nasusuri ng Kanyang Espiritu. Sino ang Espiritu ng Diyos? Sino ang taong pinatototohanan ng Diyos? Hindi ba Sila iisa at pareho? Ang tingin sa Kanila ng karamihan ay dalawang magkahiwalay na nilalang, naniniwalang ang Espiritu ng Diyos ay Espiritu ng Diyos, at ang taong pinatototohanan ng Diyos ay isang tao lamang. Ngunit hindi ka ba nagkakamali? Sa kaninong pangalan gumagawa ang taong ito? Yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay walang espirituwal na pang-unawa. Ang Espiritu ng Diyos at ang Kanyang nagkatawang-taong laman ay iisa, dahil ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa katawang-tao. Kung ang taong ito ay hindi mabait sa iyo, magiging mabait ba ang Espiritu ng Diyos? Hindi ka ba nalilito? Ngayon, lahat ng hindi matanggap ang masusing pagsusuri ng Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring maperpekto. Tingnan mo ang lahat ng ginagawa mo, at tingnan mo kung maaari ba itong dalhin sa harap ng Diyos. Kung hindi mo madadala ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos, ipinapakita nito na masamang tao ka. Mapeperpekto ba ang masasamang tao? Lahat ng iyong ginagawa, bawat kilos, bawat layunin, at bawat tugon ay dapat dalhin sa harap ng Diyos. Kahit ang iyong pang-araw-araw na espirituwal na buhay—ang iyong mga dalangin, ang iyong pagiging malapit sa Diyos, kung paano ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ang pakikipagbahaginan mo sa iyong mga kapatid, at ang buhay mo sa loob ng iglesia—at ang iyong paglilingkod na bilang magkatuwang ay maaaring dalhin sa harap ng Diyos para sa Kanyang masusing pagsusuri. Ang gayong pagsasagawa ang tutulong sa iyo na lumago sa buhay. Ang proseso ng pagtanggap sa masusing pagsusuri ng Diyos ang proseso ng pagdadalisay. Kapag mas matatanggap mo ang masusing pagsusuri ng Diyos, mas napapadalisay at mas umaayon ka sa kalooban ng Diyos, kaya hindi ka maaakit sa kahalayan, at mabubuhay ang puso mo sa Kanyang presensya. Kapag mas tinatanggap mo ang Kanyang masusing pagsusuri, mas napapahiya si Satanas at mas tumataas ang kakayahan mong talikdan ang laman. Kaya, ang pagtanggap sa masusing pagsusuri ng Diyos ay isang landas ng pagsasagawa na dapat sundan ng mga tao. Anuman ang ginagawa mo, kahit kapag nakikipagniig ka sa iyong mga kapatid, maaari mong dalhin ang iyong mga kilos sa harap ng Diyos at hangarin ang Kanyang masusing pagsusuri at hangaring sundin ang Diyos Mismo; gagawin nitong mas tama ang iyong pagsasagawa. Kung dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos, saka ka lamang magiging isang tao na nabubuhay sa presensya ng Diyos.

Yaong mga walang pagkaunawa tungkol sa Diyos ay hindi kailanman lubos na masusunod ang Diyos. Ang mga taong kagaya nito ay mga anak na suwail. Masyado silang ambisyoso, at masyadong mapanghimagsik, kaya inilalayo nila ang kanilang sarili mula sa Diyos at ayaw nilang tanggapin ang Kanyang masusing pagsusuri. Ang mga taong kagaya nito ay hindi madaling maperpekto. Mapili ang ilang tao kung paano nila kakainin at iinumin ang mga salita ng Diyos at sa pagtanggap nila sa mga ito. Tinatanggap nila ang ilang bahagi ng mga salita ng Diyos na umaayon sa kanilang mga kuru-kuro samantalang inaayawan yaong mga hindi. Hindi ba ito tahasang paghihimagsik at paglaban sa Diyos? Kung maraming taon nang nananalig ang isang tao sa Diyos nang hindi nagtatamo ng kahit kaunting pagkaunawa tungkol sa Kanya, sila ay di-mananampalataya. Yaong mga handang tanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos ay yaong mga naghahangad na maunawaan Siya, na handang tanggapin ang Kanyang mga salita. Sila ang mga tatanggap ng mana at mga pagpapala ng Diyos, at sila ang pinakapinagpala. Isinusumpa ng Diyos yaong mga walang-puwang para sa Kanya sa kanilang puso, at kinakastigo at tinatalikdan Niya ang gayong mga tao. Kung hindi mo mahal ang Diyos, tatalikdan ka Niya, at kung hindi ka makikinig sa sinasabi Ko, ipinapangako Ko na tatalikdan ka ng Espiritu ng Diyos. Subukan mo ito kung hindi ka naniniwala! Sa araw na ito nililinaw Ko sa iyo ang isang landas sa pagsasagawa, ngunit nasa sa iyo kung isasagawa mo ito. Kung hindi ka naniniwala rito, kung hindi mo ito isasagawa, makikita mo mismo kung gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu o hindi! Kung hindi mo hahangaring maunawaan ang Diyos, hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Gumagawa ang Diyos sa yaong mga naghahangad at nagpapahalaga sa Kanyang mga salita. Kapag mas pinahahalagahan mo ang mga salita ng Diyos, mas gagawa sa iyo ang Kanyang Espiritu. Kapag mas pinahahalagahan ng isang tao ang mga salita ng Diyos, mas malaki ang pag-asa niyang maperpekto ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos yaong mga tunay na nagmamahal sa Kanya, at pineperpekto Niya yaong mga may puso na payapa sa Kanyang harapan. Ang pahalagahan ang lahat ng gawain ng Diyos, ang pahalagahan ang kaliwanagan ng Diyos, ang pahalagahan ang presensya ng Diyos, ang pahalagahan ang malasakit at pangangalaga ng Diyos, ang pahalagahan kung paano nagiging realidad mo ang mga salita ng Diyos at natutustusan ang iyong buhay—lahat ng ito ay pinakamainam na naaayon sa puso ng Diyos. Kung pinahahalagahan mo ang gawain ng Diyos, ibig sabihin, kung pinahahalagahan mo ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos sa iyo, pagpapalain ka Niya at pararamihin ang lahat ng sa iyo. Kung hindi mo pahahalagahan ang mga salita ng Diyos, hindi Siya gagawa sa iyo, kundi pagkakalooban ka lamang Niya ng katiting na biyaya para sa iyong pananampalataya, o pagpapalain ka ng kaunting kayamanan at ng kaunting kaligtasan ang iyong pamilya. Dapat mong sikaping gawing iyong realidad ang mga salita ng Diyos, at mapalugod Siya at maging kaayon ng Kanyang puso; hindi ka lamang dapat magsikap na tamasahin ang Kanyang biyaya. Wala nang iba pang mas mahalaga para sa mga mananampalataya kaysa matanggap ang gawain ng Diyos, matamo ang pagkaperpekto, at maging mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ang mithiing dapat mong hangarin.

Lahat ng hinangad ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya ay lipas na, dahil mayroon na ngayong mas mataas na pamantayan ng paghahangad; ang hinahangad ay kapwa mas matayog at mas praktikal, ang hinahangad ay mas magpapalugod sa kinakailangan ng kalooban ng tao. Sa lumipas na mga kapanahunan, hindi gumawa ang Diyos sa mga tao na kagaya ngayon; hindi Siya nangusap sa kanila na katulad ng ginagawa Niya ngayon, ni hindi kasintayog ngayon ang Kanyang mga kinakailangan sa kanila noon. Na nangungusap ang Diyos sa inyo tungkol sa mga bagay na ito ngayon ay nagpapakita na ang talagang layon ng Diyos ay nakatuon sa inyo, sa grupong ito ng mga tao. Kung talagang nais mong maperpekto ng Diyos, hangarin mo ito bilang iyong sentrong mithiin. Nagpapagal ka man, gumugugol ng iyong sarili, naglilingkod sa isang tungkulin, o kung natanggap mo na ang atas ng Diyos, ang layunin ay palaging ang maperpekto at mapalugod ang kalooban ng Diyos, ang makamtan ang mga mithiing ito. Kung sinasabi ng isang tao na hindi niya hinahangad ang maperpekto ng Diyos o ang buhay pagpasok, kundi hinahangad lamang niya ang kapayapaan at kasiyahan ng laman, siya ang pinakabulag sa lahat ng tao. Yaong mga hindi nagtataguyod sa buhay realidad, kundi naghahangad lamang ng buhay na walang hanggan sa mundong darating at kaligtasan sa mundong ito, ang pinakabulag sa lahat ng tao. Kaya, lahat ng ginagawa mo ay dapat gawin para sa layuning maperpekto at matamo ng Diyos.

Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao ay upang maglaan para sa kanila batay sa kanilang magkakaibang mga kinakailangan. Kapag mas malaki ang buhay ng isang tao, mas malaki ang kanyang pangangailangan at mas naghahangad siya. Kung sa yugtong ito ay wala kang hinahangad, pinatutunayan nito na tinalikdan ka na ng Banal na Espiritu. Lahat ng naghahangad ng buhay ay hindi kailanman tatalikdan ng Banal na Espiritu; ang gayong mga tao ay palaging naghahangad, at palaging may pinananabikan sa kanilang puso. Ang gayong mga tao ay hindi kuntento kailanman sa lagay ng mga bagay-bagay sa kasalukuyan. Bawat yugto ng gawain ng Banal na Espiritu ay naglalayon na magkamit ng epekto sa iyo, ngunit kung magiging kampante ka, kung wala ka nang mga pangangailangan, kung hindi mo na tinatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu, tatalikdan ka Niya. Kinakailangan ng mga tao ang masusing pagsusuri ng Diyos araw-araw; kinakailangan nila ang saganang panustos mula sa Diyos araw-araw. Makakaraos ba ang tao nang hindi kumakain at umiinom ng salita ng Diyos araw-araw? Kung palaging nadarama ng isang tao na hindi sapat ang nakakain at naiinom niyang salita ng Diyos, kung palagi niya itong hinahangad at nagugutom at nauuhaw para rito, palaging gagawa sa kanya ang Banal na Espiritu. Kapag mas nananabik ang isang tao, mas maraming praktikal na bagay ang maaaring lumabas sa kanyang pagbabahagi. Kapag mas matindi ang paghahangad ng isang tao sa katotohanan, mas mabilis na lalago ang kanyang buhay, yayaman ang kanyang karanasan at magiging mayamang mamamayan sa sambahayan ng Diyos.

Sinundan: Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak

Sumunod: Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito