Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos
Nagbabago ang gawain ng Banal na Espiritu araw-araw. Mas tumataas ito sa bawat hakbang, ang pahayag ng bukas ay mas mataas kaysa sa ngayon, umaakyat nang mas mataas sa bawat hakbang. Ganito ang gawain ng pagperpekto ng Diyos sa tao. Kung hindi makasasabay ang mga tao, maaari silang itaboy anumang oras. Kung wala silang puso ng pagkamasunurin, hindi sila makasusunod hanggang sa pinakahuli. Nakalipas na ang dating kapanahunan; ito ay isang bagong kapanahunan. At sa isang bagong kapanahunan, isang bagong gawain ang dapat isakatuparan. Lalung-lalo na sa huling kapanahunan kung saan ay gagawing perpekto ang tao, magsasagawa ang Diyos ng mas bagong gawain, nang mas mabilis, kaya kung walang pagsunod sa mga puso nila, mahihirapan ang mga tao na sumunod sa mga yapak ng Diyos. Hindi sumusunod ang Diyos sa anumang mga patakaran, at hindi rin Niya itinuturing na hindi nagbabago ang anumang yugto ng gawain Niya. Sa halip, ang gawaing ginagawa Niya ay mas bago pa at mas mataas pa. Sa bawat yugto, nagiging higit na praktikal ang gawain Niya, at lalong umaayon sa aktwal na mga pangangailangan ng tao. Pagkatapos maranasan ng mga tao ang ganitong gawain ay saka lamang nila matatamo ang huling pagpapabago ng disposisyon nila. Ang kaalaman ng tao sa buhay ay umaabot sa mas mataas pang mga antas, at kaya, gayundin, ang gawain ng Diyos ay umaabot sa mas mataas pang mga antas. Sa gayon lamang magagawang perpekto ang tao at magiging marapat na magamit ng Diyos. Gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan sa isang banda upang salungatin at baligtarin ang mga kuru-kuro ng tao, at sa kabila banda naman ay upang akayin ang tao tungo sa isang mas mataas at mas makatotohanang kalagayan, tungo sa pinakamataas na dako ng paniniwala sa Diyos, upang sa huli, magagawa ang kalooban ng Diyos. Lahat ng mga may masuwaying kalikasan na sinasadyang sumalungat ay itataboy ng yugtong ito ng matulin at malakas na pagsulong na gawain ng Diyos; tanging ang mga handang sumunod at nagagalak na magpakumbaba ng sarili lamang ang makasusulong hanggang sa katapusan ng daan. Sa ganitong uri ng gawain, dapat matuto kayong lahat kung paano magpasakop at kung paano isantabi ang mga kuru-kuro ninyo. Dapat kayong maging maingat sa bawat hakbang na gagawin mo. Kung pabaya kayo, tiyak na tatanggihan kayo nang may paghamak ng Banal na Espiritu, magiging nakagagambala sa gawain ng Diyos. Bago sumailalim sa yugtong ito ng gawain, ang mga patakaran at mga batas ng tao noon ay sobrang napakarami hanggang sa nadala siya, at bilang resulta, naging palalo siya at nakalimutan ang sarili niya. Mga balakid ang lahat ng ito na pumipigil sa tao na tanggapin ang bagong gawain ng Diyos; sila ang mga kaaway ng kaalaman ng tao sa Diyos. Mapanganib para sa mga tao ang hindi magkaroon ng pagsunod sa mga puso nila o ng pananabik para sa katotohanan. Kung nagpapasakop ka lamang sa gawain at sa mga salitang payak, at walang kakayahang tumanggap ng anumang mas malalim, kung gayon ikaw ay kumakapit sa mga lumang pamamaraan at hindi makasasabay sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay nag-iiba sa bawat panahon. Kung may malaki kang pagsunod sa isang yugto ng gawain ng Diyos, ngunit sa susunod na yugto ang pagsunod mo sa gawain Niya ay salat, o wala kang kakayahan na sumunod, kung gayon ay lilisanin ka ng Diyos. Kung nakikisabay ka sa Diyos habang ginagawa Niya ang hakbang na ito, kung gayon ay dapat kang magpatuloy na sumabay kapag umakyat Siya sa susunod; doon ka lamang magiging isang taong masunurin sa Banal na Espiritu. Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat na manatili kang hindi nagbabago sa pagsunod mo. Hindi maaaring susunod ka lamang kapag gusto mo at susuway kapag ayaw mo. Ang ganitong uri ng pagkamasunurin ay hindi pinupuri ng Diyos. Kung hindi ka makasasabay sa bagong gawaing ibinabahagi Ko, at patuloy na nakahawak sa mga dating kasabihan, paano magkakaroon ng pag-unlad sa buhay mo? Ang gawain ng Diyos ay ang tustusan ka sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Kapag sinusunod at tinatanggap mo ang mga salita Niya, tiyak na gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Gumagawa ang Banal na Espiritu nang eksakto sa sinasabi Ko; gawin ang sinabi Ko, at ang Banal na Espiritu ay kaagad na gagawa sa iyo. Naglalabas Ako ng bagong ilaw upang mapagmasdan ninyo, na dadalhin kayo sa liwanag ng kasalukuyan, at kapag lumakad ka sa loob ng ilaw na ito, ang Banal na Espiritu ay kaagad na gagawa sa iyo. Mayroong ilang maaaring matigas ang ulo, sinasabing, “Basta hindi ko isasakatuparan ang sinasabi Mo.” Kung gayon, sinasabi Ko sa iyo na nakarating ka na ngayon sa katapusan; ikaw ay natuyo at wala nang buhay. Samakatuwid, sa pagdanas ng pagbabago ng disposisyon mo, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa ang pagsabay sa kasalukuyang ilaw. Ang Banal na Espiritu ay hindi lamang gumagawa sa ilang taong ginagamit ng Diyos, kundi, higit pa rito, sa iglesia. Maaaring gumagawa Siya sa sinuman. Maaaring gumagawa Siya sa iyo sa kasalukuyang oras, at mararanasan mo ang gawaing ito. Sa susunod na yugto, maaari Siyang gumawa sa ibang tao, kung gayon dapat kang magmadaling makasunod; kapag mas malapit mong sinusundan ang kasalukuyang ilaw, higit na lalago ang buhay mo. Kahit na ano pang uri ang isang tao, kung gumagawa sa kanya ang Banal na Espiritu, dapat kang sumunod. Gamitin mo ang mga karanasan niya sa sarili mo, at tatanggap ka ng mas higit pang mga bagay. Sa paggawa nito mas mabilis kang uunlad. Ito ang landas ng pagkaperpekto para sa tao at ang paraan kung saan lalago ang buhay. Ang landas ng pagiging perpekto ay naaabot sa pamamagitan ng pagsunod mo sa gawain ng Banal na Espiritu. Hindi mo alam kung sa pamamagitan ng anong uri ng tao gagawa ang Diyos upang gawin kang perpekto, o sa pamamagitan ng anong tao, pangyayari, o bagay ka Niya hahayaang makamit o makita ang mga bagay. Kung makatatapak ka sa tamang landas na ito, ipinakikita nito na mayroong malaking pag-asang magawa kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo magagawa, ipinakikita nitong malungkot at walang liwanag ang kinabukasan mo. Kapag nagsimula ka sa tamang landas, makakamit mo ang pahayag sa lahat ng bagay. Kahit na ano pa man ang ibinubunyag ng Banal na Espiritu sa iba, kung magpapatuloy ka batay sa kaalaman nila para maranasan ang mga bagay sa sarili mo, kung gayon ay magiging bahagi ng buhay mo ang karanasang ito, at magagawa mong tustusan ang iba mula sa karanasang ito. Ang mga nagtutustos sa iba sa pamamagitan ng paggaya sa mga salita ay mga taong hindi pa nagkakaroon ng anumang mga karanasan; dapat mong matutunang humanap, sa pamamagitan ng kaliwanagan at pagtanglaw ng iba, isang paraan ng pagsasagawa bago ka magsimulang magsalita tungkol sa sarili mong aktwal na karanasan at kaalaman. Ito ay may higit na pakinabang sa sarili mong buhay. Dapat mong maranasan ang ganito, na sumusunod sa lahat ng nagmumula sa Diyos. Dapat mong hangarin ang kalooban ng Diyos sa lahat ng mga bagay at matutunan ang mga aral sa lahat ng bagay, nang lumago ang buhay mo. Ang ganitong pagsasagawa ay nagbibigay ng pinakamabilis na pag-unlad.
Nililiwanagan ka ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng praktikal mong mga karanasan, at ginagawa kang perpekto sa pamamagitan ng pananampalataya mo. Tunay bang handa kang gawing perpekto? Kung talagang handa kang gawing perpekto ng Diyos, magkakaroon ka ng tapang na isantabi ang laman mo, at magagawa mong isakatuparan ang mga salita ng Diyos, at hindi ka magiging balintiyak o mahina. Magagawa mong sundin ang lahat ng nagmumula sa Diyos, at ang lahat ng mga kilos mo, ginagawa man ang mga ito sa publiko o nang pribado, ay maihaharap sa Diyos. Kung isa kang tapat na tao, at isinasagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay, kung gayon ay magiging perpekto ka. Ang mga mapanlinlang na mga taong kumikilos sa isang paraan sa harap ng iba at sa ibang paraan sa likuran nila ay hindi handang gawing perpekto. Lahat sila ay mga anak ng kapahamakan at pagkawasak; hindi sila pag-aari ng Diyos kundi ni Satanas. Hindi sila ang uri ng mga taong pinili ng Diyos! Kung ang mga kilos at pag-uugali mo ay hindi maihaharap sa Diyos o matitingnan ng Espiritu ng Diyos, patunay itong mayroong mali sa iyo. Magagawa mo lamang na tumapak sa landas ng pagiging perpekto kung tinatanggap mo ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at pinapahalagahan ang pagbabago ng disposisyon mo. Kung tunay na handa kang maperpekto ng Diyos at gawin ang kalooban ng Diyos, kung gayon ay dapat mong sundin ang lahat ng gawain ng Diyos, nang walang kahit isang salita ng pagdaing, nang hindi nangangahas na suriin o hatulan ang gawain ng Diyos. Ito ang pinakamabababang hinihingi para maperpekto ng Diyos. Ang mahalagang hinihingi sa mga naghahangad na maperpekto ng Diyos ay ito: Kumilos nang may pusong nagmamahal sa Diyos sa lahat ng mga bagay. Ano ang kahulugan ng kumilos nang may pusong nagmamahal sa Diyos? Ibig sabihin nito ay ang lahat ng mga kilos at pag-uugali mo ay maihaharap sa Diyos. At sapagkat mayroon kang mga tamang layunin, tama man o mali ang mga kilos mo, hindi ka natatakot na ipakita ang mga ito sa Diyos o sa mga lalaki at mga babaeng kapatid mo, at nangangahas kang sumumpa sa harap ng Diyos. Dapat mong ilahad ang bawat layunin, iniisip, at ideya mo sa harap ng Diyos para sa masusing pagsisiyasat Niya; kung nagsasagawa at pumapasok ka sa ganitong paraan, magiging mabilis ang pag-unlad sa buhay mo.
Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang manampalataya sa lahat ng mga salita ng Diyos at sa lahat ng gawain Niya. Ibig sabihin, yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang sumunod sa Kanya. Kung hindi mo kayang gawin ito, kung gayon ay hindi mahalaga kung naniniwala ka sa Diyos o hindi. Kung naniniwala ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi mo Siya kailanman sinunod, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makasusunod ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Ang pinakamapaghimagsik sa lahat ay ang mga sadyang lumalabag at lumalaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Palaging may poot ang saloobin nila sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman nagalak na magpasakop o magpakumbaba ng sarili nila. Dinadakila nila ang mga sarili nila bago ang iba at hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nilang pinakamahusay sa pangangaral ng salita, at ang pinakabihasa sa paggawa sa iba. Hindi nila kailanman itinatapon ang mga “kayamanang” nasa pag-aari nila, kundi itinuturing ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit nila ang mga ito para magsermon sa mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay mga “hindi palulupig na mga bayani,” na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang pinakamataas nilang tungkulin. Bawat taon, bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang “sagrado at hindi malalabag” na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging “mga hari” sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng mga demonyong ito na makipagsanib at gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko? Kahit ang mga medyo masunurin lamang ay hindi makapagpapatuloy hanggang sa katapusan, lalong hindi itong mga maniniil na wala ni katiting na pagsunod sa mga puso nila! Hindi madaling makakamit ng tao ang gawain ng Diyos. Kahit na ginagamit ang lahat ng lakas na mayroon sila, kaunting bahagi lamang nito ang makakamit ng mga tao, na sa huli ay magpapahintulot sa kanila na maperpekto. Ano, kung gayon, ang para sa mga anak ng arkanghel, na naghahangad na wasakin ang gawain ng Diyos? Wala ba silang mas maliit na pag-asang makamit ng Diyos? Ang layunin Ko sa paggawa ng gawain ng paglupig ay hindi lamang ang manlupig alang-alang sa paglupig, kundi manlupig upang ibunyag ang pagiging matuwid at kalikuan, upang kumuha ng patunay para sa kaparusahan ng tao, upang parusahan ang buktot, at, higit pa rito, upang manlupig para sa kapakanan ng pagpeperpekto ng mga handang sumunod. Sa huli, paghihiwa-hiwalayin ang lahat ayon sa uri, at ang mga naging perpekto ay ang mga may mga saloobin at mga ideya na puno ng pagsunod. Ito ang gawaing magagawa sa huli. Samantala, ang mga mapanghimagsik ang bawat kilos ay parurusahan at ipadadala upang sunugin sa mga apoy, mga layon ng walang-hanggang sumpa. Kapag dumating ang oras na iyon, ang mga “dakila at hindi malulupig na mga bayani” ng mga kapanahunang nakalipas ay magiging pinakamababa at pinakanilalayuang “mahina at inutil na mga duwag.” Tanging ito lamang ang makapaglalarawan sa bawat aspeto ng pagiging matuwid ng Diyos, at ng disposisyon Niya na hindi malalabag ng tao, at tanging ito lamang ang makapagpapalubag ng poot sa puso Ko. Hindi ba kayo sumasang-ayon na lubusang makatuwiran ito?
Hindi lahat ng mga nakararanas ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi rin lahat ng nasa daloy na ito, ay magkakamit ng buhay. Ang buhay ay hindi isang ari-ariang pinagsasaluhan ng lahat ng sangkatauhan, at ang mga pagbabago sa disposisyon ay hindi madaling natatamo ng lahat ng mga tao. Dapat na tunay at aktwal ang pagpapasakop sa gawain ng Diyos, at dapat itong isabuhay. Ang paimbabaw na pagpapasakop lamang ay hindi makatatanggap ng papuri ng Diyos, at ang pagsunod lamang sa paimbabaw na mga aspeto ng salita ng Diyos, nang hindi hinahangad ang pagbabago ng disposisyon ng isang tao, ay hindi umaayon sa puso ng Diyos. Iisa at pareho ang pagsunod sa Diyos at pagpapasakop sa gawain ng Diyos. Ang mga nagpapasakop lamang sa Diyos ngunit hindi sa gawain Niya ay hindi maituturing na masunurin, lalong hindi ang mga hindi tunay na nagpapasakop kundi ay mga mambobola sa panlabas. Ang lahat ng mga tunay na nagpapasakop sa Diyos ay nagkakamit mula sa gawain at nagtatamo ng pagkaunawa sa disposisyon at gawain ng Diyos. Ang ganitong mga tao lamang ang tunay na nagpapasakop sa Diyos. Nagkakamit ng bagong kaalaman ang ganitong mga tao, at sumasailalim sa mga bagong pagbabago mula sa bagong gawain. Tanging ang mga taong ito lamang ang pinupuri ng Diyos; tanging ang mga taong ito lamang ang naging perpekto, at tanging ang mga ito lamang ang nagbago ang disposisyon. Ang mga pinupuri ng Diyos ay ang mga nagagalak na magpasakop sa Diyos, at sa salita at gawain Niya. Ang ganitong mga tao lamang ang nasa tama, ang ganitong mga tao lamang ang taos-pusong nagnanais sa Diyos, at taos-pusong naghahangad sa Diyos. Para naman sa mga nagsasalita lamang tungkol sa pananampalataya nila sa Diyos gamit ang mga bibig nila, ngunit sa katunayan ay isinusumpa Siya, sila ang mga taong tinatakpan ang mga sarili nila, na nagtataglay ng kamandag ng ahas; sila ang pinakataksil sa lahat. Sa malao’t madali, pupunitin ang buktot na mga maskara ng mga damuhong ito. Hindi ba ito ang gawaing ginagawa ngayon? Palaging magiging buktot ang mga taong buktot, at hindi kailanman makatatakas sa araw ng kaparusahan. Palaging magiging mabuti ang mga mabubuting tao, at ibubunyag kapag natapos na ang gawain ng Diyos. Walang kahit isang buktot ang ipapalagay na matuwid, at ang sinumang matuwid ay hindi rin ipapalagay na buktot. Hahayaan Ko ba ang sinumang tao na maakusahan nang mali?
Habang umuusad ang buhay mo, dapat ay palagi kang may bagong pagpasok, at bago at mas mataas na kabatiran, na lumalalim sa bawat hakbang. Ito ang dapat na pasukin ng lahat ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pakikipagniig, pakikinig sa mga sermon, pagbabasa ng salita ng Diyos, o paglutas sa ilang usapin, magkakamit ka ng bagong kabatiran at bagong kaliwanagan, at hindi namumuhay sa loob ng mga lumang patakaraan at lumang panahon; palagi kang mamumuhay sa bagong liwanag, at hindi lalayo mula sa salita ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagsisimula sa tamang landas. Ang paimbabaw lamang na pagbabayad ng halaga ay hindi maaari; bawat araw, pumapasok ang salita ng Diyos sa mas mataas na dako, at lumilitaw ang mga bagong bagay araw-araw, at dapat ding gumawa ang tao ng bagong pagpasok araw-araw. Habang nagsasalita ang Diyos, isinasakatuparan Niya ang lahat ng sinasabi Niya, at kung hindi ka makasasabay, mahuhuli ka. Dapat mong laliman ang mga panalangin mo; hindi maaaring pahintu-hinto ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos. Laliman ang kaliwanagan at pagtanglaw na tinatanggap mo, at dapat na unti-unting mawala ang mga kuru-kuro at mga guni-guni mo. Dapat mo ring palakasin ang paghatol mo, at anumang makatatagpo mo, dapat kang magkaroon ng sarili mong mga saloobin tungkol dito at magkaroon ng sarili mong mga pananaw. Sa pamamagitan ng pag-unawa ng ilang mga bagay sa espiritu, dapat mong makamit ang kabatiran sa panlabas na mga bagay at maunawaan ang kaibuturan ng anumang usapin. Kung wala ka ng mga bagay na ito, paano mo maaakay ang iglesia? Kung bumibigkas ka lamang ng mga salita at mga doktrina nang walang anumang realidad at nang walang paraan ng pagsasagawa, makararaos ka lamang sa loob ng maikling panahon. Maaaring bahagya itong katanggap-tanggap kapag nakikipag-usap sa mga bagong mananampalataya, ngunit sa paglipas ng panahon, kapag nagkaroon na ng ilang aktwal na karanasan ang mga bagong mananampalataya, hindi mo na sila matustusan. Kung gayon ay paano ka nagiging marapat na gamitin ng Diyos? Kung walang bagong kaliwanagan, hindi ka makagagawa. Ang mga walang bagong kaliwanagan ay ang mga hindi nakaaalam kung paano makaranas, at hindi kailanman magkakamit ng bagong kaalaman o bagong karanasan ang ganitong mga tao. At sa usapin ng pagtutustos ng buhay, hindi nila kailanman magagampanan ang tungkulin nila, ni hindi sila magiging angkop na gamitin ng Diyos. Walang silbi ang ganitong uri ng tao, isang palaboy lamang. Sa katotohanan, ang ganitong mga tao ay lubos na walang kakayahang gampanan ang tungkulin nila sa gawain, walang silbi silang lahat. Hindi lamang sila nabibigong gampanan ang tungkulin nila, kundi talagang naglalagay pa sila ng higit na di-kinakailangang pahirap sa iglesia. Hinihimok Ko itong “kagalang-galang na matatandang lalaki” na magmadali at iwanan ang iglesia, upang hindi ka na kailangang tingnan ng iba. Ang ganitong mga tao ay walang pagkaunawa sa bagong gawain at puno ng walang-katapusang mga kuru-kuro. Wala silang ginagampanang kahit na ano pa mang tungkulin sa iglesia; sa halip, gumagawa sila ng kalokohan at nagkakalat ng pag-aalinlangan kahit saan, kahit hanggang sa punto ng paglahok sa lahat ng uri ng masamang asal at panggugulo sa iglesia, dahil dito ay itinatapon nila ang mga walang kakayahang humatol tungo sa kalituhan at kaguluhan. Ang mga buhay na diyablong ito, ang masasamang espiritung ito ay dapat umalis sa iglesia sa lalong madaling panahon, at baka mapinsala pa ang iglesia nang dahil sa iyo. Maaaring hindi mo kinatatakutan ang gawain sa ngayon, ngunit hindi mo ba kinatatakutan ang matuwid na kaparusahan sa hinaharap? Mayroong malalaking bilang ng mga tao sa iglesia na mga sampid, at may malaking bilang ng mga lobong naghahangad gambalain ang normal na gawain ng Diyos. Ang lahat ng mga bagay na ito ay mga demonyong ipinadala ng hari ng mga demonyo, masasamang lobong naghahangad na lamunin ang walang muwang na mga cordero. Kung hindi patatalsikin ang tinaguriang mga taong ito, magiging mga parasitiko sila sa iglesia, mga gamugamong lumalamon ng mga handog. Sa malao’t madali, darating ang araw na itong mga kasuklam-suklam, mangmang, hamak, at karima-rimarim na mga uod na ito ay parurusahan!