872 Tinitiis ng Diyos ang Matinding Kahihiyan
1 Ang Diyos ay banal at matuwid. Kahit isinilang Siya sa isang maruming lupain, at kahit kapiling Niya sa buhay ang mga taong iyon na puno ng karumihan, gaya noong namuhay si Jesus sa piling ng mga makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ba ginawa ang Kanyang buong gawain upang manatiling buhay ang buong sangkatauhan? Hindi ba lahat ng iyon ay upang magtamo ng dakilang kaligtasan ang sangkatauhan? Dalawang libong taon na ang nakararaan, namuhay Siya sa piling ng mga makasalanan sa loob ng ilang taon. Iyon ay alang-alang sa pagtubos. Ngayon, namumuhay Siya sa piling ng isang grupo ng marurumi at hamak na mga tao. Ito ay alang-alang sa kaligtasan. Kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya magbabalik sa katawang-tao sa ikalawang pagkakataon, isisilang sa lupaing ito kung saan nagtitipon ang mga demonyo, at mamumuhay sa piling ng mga taong ito na lubhang nagawang tiwali ni Satanas? Lahat ng ito ay maaari lamang mangahulugan na ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan ay lubhang hindi makasarili at ang pagdurusa at kahihiyang Kanyang tinitiis ay napakatindi!
2 Hindi ba ninyo alam kung gaano kalaking kahihiyan ang Kanyang dinaranas, para sa inyong lahat at para sa inyong tadhana? Para manatiling buhay ang buong sangkatauhan, mas gusto pa Niyang maisilang sa isang maruming lupain at magdusa ng lahat ng kahihiyan. Ang Diyos ay tunay na tunay—wala Siyang ginagawang huwad na gawain. Hindi ba ginagawa ang bawat yugto ng Kanyang gawain sa napakapraktikal na paraan? Kahit sinisiraan Siya ng lahat ng tao at sinasabi na nauupo Siya sa hapag na kasama ang mga makasalanan, kahit iniinsulto Siya ng lahat ng tao at sinasabi na namumuhay Siya sa piling ng mga anak ng karumihan, na namumuhay Siya sa piling ng pinakahamak sa lahat ng tao, iniaalay pa rin Niya nang buung-buo ang Kanyang Sarili, at sa gayo’y tinatanggihan pa rin Siya ng sangkatauhan. Hindi ba mas matindi ang pagdurusang Kanyang tinitiis kaysa sa inyo? Hindi ba mas malaki ang gawaing Kanyang ginagawa kaysa sa inyong naisakripisyo?
Hango sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab