807 Dapat Mong Tularan si Pedro
1 Kapag nababanggit si Pedro, walang katapusan ang pagsasabi ng mga tao ng mabubuting bagay tungkol sa kanya. Si Pedro ay mautak, matalino, at mahal na mahal ang kanyang mga magulang mula pa sa pagkabata. Subalit pagtanda niya, naging kaaway siya nila dahil hindi siya tumigil kailanman sa pagsisikap na makaalam tungkol sa Akin, at paglaon ay tumalikod siya sa kanila. Ito ay dahil, una sa lahat, naniwala siya na ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat at na lahat ng positibong bagay ay nagmumula sa Diyos at tuwirang lumalabas mula sa Kanya nang hindi naiimpluwensyahan ni Satanas. Ang pagkakaiba ng mga magulang ni Pedro sa kanya ay nagbigay sa kanya ng higit na kaalaman tungkol sa Aking kagandahang-loob at awa, sa gayon ay nadagdagan ang kanyang hangaring hanapin Ako.
2 Nagtuon siya hindi lamang sa pagkain at pag-inom ng Aking mga salita, kundi, bukod pa rito, sa pag-unawa sa Aking kalooban, at lagi siyang maingat sa kanyang puso. Dahil dito, lagi siyang sensitibo sa kanyang espiritu, at dahil dito ay nakaayon Siya sa Aking sariling puso sa lahat ng kanyang ginawa. Palagi siyang nakatuon sa mga kabiguan ng mga tao noong araw para magpasigla sa kanya, sa malaking pangamba na baka siya mabigo. Nagtuon din siya sa pakikibahagi sa pananampalataya at pagmamahal ng lahat ng nagmahal sa Diyos sa lahat ng kapanahunan. Sa ganitong paraan—hindi lamang sa mga negatibong aspeto, kundi ang higit na mahalaga, sa mga positibong aspeto—mas mabilis siyang lumago, kaya ang kanyang kaalaman ay naging pinakadakila sa lahat sa Aking presensya.
3 Ipinaubaya Niya ang lahat ng mayroon siya sa Aking mga kamay; isinuko rin niya maging ang paggawa ng mga desisyon tungkol sa pagkain, pananamit, pagtulog at kung saan siya nakatira, at sa halip ay tinamasa niya ang Aking mga kayamanan batay sa pagpapalugod niya sa Akin sa lahat ng bagay. Maraming beses Ko siyang isinailalim sa mga pagsubok—mga pagsubok, natural, na muntik na niyang ikamatay—ngunit sa kabila ng daan-daang pagsubok na ito, hindi siya nawalan ng pananampalataya sa Akin kailanman o nadismaya sa Akin. Kahit noong sabihin Ko na tinalikuran Ko na siya, hindi pa rin siya pinanghinaan ng loob, at patuloy niya Akong minahal sa isang praktikal na paraan at alinsunod sa dating mga prinsipyo ng pagsasagawa. Dahil sa kanyang katapatan sa Aking harapan, at dahil sa Aking pagpapala sa kanya, naging isa siyang uliran at huwaran sa tao sa loob ng libu-libong taon. Hindi ba ito mismo ang dapat ninyong tularan?
Hango sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 6