Kailangan Ninyong Maunawaan ang Gawain—Huwag Kayong Sumunod Nang May Pagkalito!
Sa kasalukuyan, maraming tao ang naniniwala sa paraang lito. Labis ang inyong kuryosidad, labis ang pagnanasa sa mga pagpapala, at napakaliit ang mithiing hanapin ang buhay. Ang mga tao ngayon ay puno ng sigasig sa paniniwala nila kay Jesus. Ibabalik sila ni Jesus sa tahanan sa langit, kaya paano sila hindi maniniwala? May mga taong sumasampalataya nang kanilang buong buhay; kahit apatnapu o limampung taon nang sumasampalataya, hindi pa rin sila nagsasawang magbasa ng Bibliya. Ito ay dahil iniisip nila[a] na anuman ang mangyari, hangga’t sila ay naniniwala, makakapasok sila sa langit. Ilang taon pa lang kayong sumusunod sa Diyos sa landas na ito, subalit kayo ay nanghina na; nawala na ang inyong pagtitiis, dahil masyadong matindi ang inyong pagnanasang magkamit ng mga pagpapala. Ang paglalakad ninyo sa tunay na daang ito ay impluwensiya ng inyong pagnanasang makakuha ng mga pagpapala at ng inyong kuryosidad. Wala kayong kahit kaunting pagkaunawa tungkol sa yugtong ito ng gawain. Marami sa sinasabi Ko ngayon ay hindi patungkol sa mga naniniwala kay Jesus, hindi Ko rin ito sinasabi upang salungatin lang ang kanilang mga kuru-kuro. Sa katunayan, itong mga kuru-kurong inilalantad ang mismong mga pagkaunawa na umiiral sa loob ninyo, dahil hindi ninyo nauunawaan kung bakit isinantabi ang Bibliya, kung bakit Ko sinasabi na naging luma na ang gawain ni Jehova, o bakit Ko sinasabi na naging luma na ang gawain ni Jesus. Ang totoo ay marami kayong kuru-kuro na hindi pa ninyo nasasabi, at marami ring pananaw na nakatago sa kaibuturan ng inyong mga puso, at sumusunod lang kayo sa karamihan. Akala ba talaga ninyo ay kakaunti ang inyong mga kuru-kuro? Hindi lang ninyo sinasalita ang mga iyon! Ang totoo, paimbabaw lang kayong sumusunod sa Diyos, ni hindi man lang ninyo hinahanap ang tunay na daan at hindi ninyo intensiyong magkamit ng buhay. Ang saloobin ninyo ay ang kagustuhan lang na makita kung anong mangyayari. Dahil hindi pa ninyo nabibitiwan ang marami sa inyong mga dating kuru-kuro, walang sinuman sa inyo ang nagawang mag-alay nang lubos ng inyong sarili. Nang makarating na sa puntong ito, patuloy pa rin kayong nag-aalala sa inyong sariling kapalaran, isip nang isip araw at gabi, hindi iyon mapakawalan. Akala mo ba, kapag binabanggit Ko ang mga Pariseo, ang “matatandang lalaki” sa relihiyon ang tinutukoy Ko? Hindi ba kayo mismo ay mga kinatawan ng pinakaprogresibong mga Pariseo ng kasalukuyang kapanahunan? Akala mo ba kapag binabanggit Ko ang mga taong nagkukumpara sa Akin sa Bibliya, ang tinutukoy Ko lang ay yaong mga eksperto sa Bibliya sa mga relihiyosong grupo? Naniniwala ka ba na kapag binabanggit Ko yaong mga muling nagpapako sa Diyos sa krus, ang mga pinuno ng mga relihiyosong grupo ang tinutukoy Ko? Hindi ba kayo ang pinakamagagaling na artista para gumanap sa papel na ito? Akala mo ba lahat ng salitang Aking ipinapahayag upang salungatin ang mga kuru-kuro ng mga tao ay panunuya lamang sa mga pastor at matatanda sa relihiyon? Hindi ba nakibahagi rin kayo sa lahat ng bagay na ito? Kumbinsido ka ba na kakaunti lang ang inyong mga kuru-kuro? Natuto na lang kayong lahat na maging napakatalino ngayon. Hindi ninyo pinag-uusapan ang mga bagay na hindi ninyo nauunawaan o inilalantad ang inyong mga damdamin tungkol sa mga iyon, ngunit wala talaga sa loob ninyo ang pusong may takot at pagpapasakop. Sa palagay ninyo, ang pag-aaral, pagmamasid, at paghihintay ang pinakamabuti ninyong paraan ng pagsasagawa sa ngayon. Natuto na kayong maging napakatalino. Ngunit napapagtanto ba ninyo na isa itong uri ng tusong sikolohiya? Akala ba ninyo na ang sandali ninyong katalinuhan ay makatutulong sa inyong makatakas sa walang-hanggang pagkastigo? Natuto na kayong maging masyadong “marunong”! Isa pa, may ilang taong nagtatanong sa Akin ng mga bagay na tulad nito: “Balang araw, kapag tinanong ako ng mga relihiyosong tao, ‘Bakit hindi gumawa ang inyong Diyos ng kahit isang himala?’ paano ako magpapaliwanag?” Sa ngayon, hindi lang iyon isang bagay na itatanong ng mga tao sa mga relihiyosong grupo; kundi hindi mo rin nauunawaan ang gawain ngayon, at namumuhay ka sa napakaraming kuru-kuro. Hindi mo pa rin ba alam kung sino ang tinutukoy Ko kapag binabanggit Ko ang mga pinuno ng relihiyon? Hindi mo ba alam kung para kanino Ko ipinaliliwanag ang Bibliya? Hindi mo ba alam kung para kanino Ako nagsasalita kapag Aking inilalarawan ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos? Kung hindi Ko sasabihin ang mga bagay na iyon, ganoon ba kayo kadaling makukumbinsi? Ganoon ba kayo kadaling yuyuko? Ganoon ba ninyo kadaling isasantabi yaong mga dati ninyong kuru-kuro? Lalo na yaong “matatapang na lalaki” na kailanman ay hindi nagpasakop kahit kanino—ganoon ba sila kadaling magpapasakop? Nalalaman Ko na bagaman mababa ang uri ng inyong pagkatao at napakahina ng inyong kakayahan, may di-hustong mga utak, at hindi pa gaanong matagal na naniniwala sa Diyos, ang totoo ay marami kayong kuru-kuro, at likas ninyong kalikasan ang hindi basta-basta magpasakop kaninuman. Subalit ngayon, nakakapagpasakop kayo dahil kayo ay napipilitan at walang magawa; kayo ay mga tigre na nasa kulungang bakal, hindi magamit nang malaya ang inyong mga kasanayan. Kahit kayo ay may mga pakpak, mahihirapan kayong lumipad. Sa kabila ng hindi pagkakaloob sa inyo ng mga pagpapala, handa pa rin kayong sumunod. Gayunman, hindi ninyo ito kagitingan bilang “mabubuting tao”; kundi dahil kayo ay lubusan nang nalugmok at hindi na ninyo alam kung ano ang inyong gagawin. Ito ay dahil inilugmok na kayo ng lahat ng gawaing ito. Kung mayroon lang anumang bagay na kaya ninyong makamit, hindi kayo magiging ganyan kamasunurin ngayon, sapagkat noon, lahat kayo ay mga ligaw na asno sa ilang. Sa gayon, ang sinasabi ngayon ay hindi lamang patungkol sa mga tao sa sari-saring mga relihiyon at mga denominasyon, hindi rin upang salungatin lang ang kanilang mga kuru-kuro; kundi upang salungatin ang inyong mga kuru-kuro.
Nagsimula na ang paghatol ng katuwiran. Magsisilbi pa rin ba ang Diyos na isang handog para sa kasalanan para sa mga tao? Magiging dakilang manggagamot ba Siya muli para sa kanila? Wala bang awtoridad ang Diyos na higit pa rito? Isang grupo na ng tao ang nagawang ganap, at nadala sa harap ng luklukan; magpapalayas pa rin ba Siya ng mga demonyo at magpapagaling ng maysakit? Hindi ba napakamakaluma noon? Magiging posible ba ang patotoo kapag nagpatuloy ito? Mapapako ba ang Diyos sa krus magpakailanman dahil minsan na Siyang napako sa krus? Maaari bang magpalayas Siya minsan ng mga demonyo at paulit-ulit silang palayasin magpakailanman? Hindi ba ito maituturing na kahihiyan? Uusad lang ang kapanahunan kapag mas mataas na ang yugto ng gawaing ito sa nauna, at pagkatapos ay darating na ang mga huling araw, at magiging panahon na para matapos ang kapanahunang ito. Samakatuwid, dapat bigyang-pansin ng mga taong naghahanap sa katotohanan ang pag-aarok sa mga pangitain; ito ang pundasyon. Sa tuwing nagbabahagi Ako sa inyo tungkol sa mga pangitain, palagi Akong may nakikitang nakakatulog at napipikit, ayaw makinig. May ibang nagtatanong, “Bakit hindi ka nakikinig?” Sumasagot sila, “Hindi ito nakakatulong sa aking buhay o sa aking pagpasok sa realidad. Ang nais namin ay ang mga daan ng pagsasagawa.” Sa tuwing nagsasalita Ako tungkol sa gawain sa halip na mga daan ng pagsasagawa, sinasabi nila, “Sa sandaling magsalita Ka tungkol sa gawain, nagsisimula akong makatulog.” Sa pagsisimula Kong magsalita tungkol sa mga daan ng pagsasagawa, nagsisimula silang magsulat, at kapag bumabalik Ako sa pagpapaliwanag sa gawain, hindi na naman sila nakikinig. Alam ba ninyo kung ano ang dapat ninyong taglayin ngayon? Ang isang aspeto noon ay may kinalaman sa mga pangitain tungkol sa gawain, at ang isa pang aspeto ay ang iyong pagsasagawa. Dapat mong maunawaan ang parehong aspetong ito. Kung wala kang mga pangitain sa iyong pakikipagsapalaran para umunlad sa buhay, hindi ka magkakaroon ng pundasyon. Kung mga daan lang ng pagsasagawa ang taglay mo, nang wala ni katiting na pangitain, at walang anumang pagkaunawa tungkol sa gawain ng buong plano ng pamamahala, wala kang kwenta. Kailangan mong maunawaan ang mga katotohanan na may kinalaman sa mga pangitain, at tungkol naman sa mga katotohanang may kaugnayan sa pagsasagawa, kailangan mong makakita ng mga angkop na landas ng pagsasagawa pagkatapos mong maunawaan ang mga iyon; kailangan mong magsagawa nang naaayon sa mga salita, at pumasok ayon sa iyong mga kondisyon. Ang mga pangitain ang pundasyon, at kapag hindi mo binigyang-pansin ang katotohanang ito, hindi ka makakasunod hanggang sa huli; ang makaranas sa ganoong paraan ay magliligaw sa iyo o magsasanhi sa iyong madapa at mabigo. Hinding-hindi ka magtatagumpay! Ang mga taong hindi mga dakilang pangitain ang mga pundasyon ay maaari lamang mabigo; hindi sila makapagtatagumpay. Hindi mo kayang manindigan! Alam mo ba kung ano ang kalakip ng paniniwala sa Diyos? Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng sinusundan ang Diyos? Kung walang mga pangitain, anong landas ang iyong lalakaran? Sa gawain sa kasalukuyan, kung wala kang mga pangitain, hinding-hindi ka magagawang ganap. Kanino ka ba naniniwala? Bakit ka naniniwala sa Kanya? Bakit ka sumusunod sa Kanya? Tingin mo ba ang iyong pananampalataya ay isang uri ng laro? Hinaharap mo ba ang iyong buhay na parang isang uri ng laruan? Ang Diyos ng kasalukuyan ang pinakadakilang pangitain. Gaano karami ang alam mo tungkol sa Kanya? Gaano karami ang nakita mo na tungkol sa Kanya? Yamang nakita mo na ang Diyos ng kasalukuyan, matibay ba ang pundasyon ng iyong paniniwala sa Diyos? Sa palagay mo ba ay magtatamo ka ng kaligtasan basta’t sumusunod ka sa magulong paraang ito? Palagay mo ba ay makakahuli ka ng isda sa maputik na tubig? Ganoon ba iyon kasimple? Gaano na ba karaming kuru-kurong may kinalaman sa mga salitang ipinapahayag ngayon ng Diyos ang naiwaksi mo na? May pangitain ka ba ng Diyos ng kasalukuyan? Saan nakabatay ang iyong pagkaunawa sa Diyos ng kasalukuyan? Lagi kang naniniwala na matatanggap mo Siya[b] sa pamamagitan lang ng pagsunod sa Kanya, o makita mo lang Siya, at wala nang sinuman ang makapagpapaalis sa iyo. Huwag mong akalain na napakadali lang ng pagsunod sa Diyos. Ang susi ay kailangan mo Siyang makilala, kailangan mong malaman ang gawain Niya, at kailangan mong magkaroon ng kagustuhang magtiis ng paghihirap alang-alang sa Kanya, isakripisyo ang iyong buhay para sa Kanya, at magawa Niyang perpekto. Ito ang pangitain na dapat mong taglay. Hindi maaari na laging nakatuon lang ang isip mo sa pagtatamasa ng biyaya. Huwag mong ipagpalagay na narito ang Diyos para lang sa kasiyahan ng mga tao, o upang magkaloob lang ng biyaya sa kanila. Magiging mali ka! Kung hindi maitataya ng isa ang kanyang buhay upang sumunod sa Kanya, at kung hindi maiiwanan ng isa ang lahat ng kanyang pag-aari sa mundo upang sumunod, tiyak na hindi nila makakayang sumunod hanggang sa huli! Kailangang mga pangitain ang iyong pundasyon. Kung isang araw ay dumating sa iyo ang kasawian, ano ang dapat mong gawin? Magagawa mo pa rin bang sumunod sa Kanya? Huwag mong basta sabihin kung makakasunod ka hanggang sa huli. Mas mabuting imulat mo muna nang maigi ang iyong mga mata upang makita kung ano ang panahon ngayon. Bagaman sa kasalukuyan, maaaring kayo ay tulad ng mga haligi ng templo, darating ang isang sandali kung kailan lahat ng gayong haligi ay ngangatngatin ng mga uod, na magdudulot ng pagguho ng templo, dahil sa kasalukuyan, napakaraming pangitain ang kulang sa inyo. Pinag-uukulan lang ninyo ng pansin ang sarili ninyong maliliit na mundo, at hindi ninyo alam kung ano ang pinakamaaasahan at pinakaangkop na paraan ng paghahanap. Hindi ninyo pinapansin ang pangitain ng gawain sa kasalukuyan, hindi rin ninyo isinasapuso ang mga bagay na ito. Naisip na ba ninyo na isang araw ilalagay kayo ng inyong Diyos sa isang lubos na di-pamilyar na lugar? Maguguni-guni ba ninyo kung anong mangyayari sa inyo isang araw kung kailan maaari Kong agawin ang lahat sa inyo? Magiging pareho ba ang kalakasan ninyo sa araw na iyon sa ngayon? Muli bang lilitaw ang inyong pananampalataya? Sa pagsunod sa Diyos, kailangan ninyong malaman itong pinakadakilang pangitain na ang “Diyos”: Ito ang pinakamahalagang usapin. Isa pa, huwag ninyong ipagpalagay na kapag humiwalay kayo sa makamundong mga tao para maging banal, mapapabilang na agad kayo sa pamilya ng Diyos. Sa panahong ito, ang Diyos Mismo ang gumagawa sa gitna ng sangnilikha; Siya ang naparito sa gitna ng mga tao upang gawin ang Kanyang sariling gawain—hindi ang magsagawa ng mga kampanya. Sa inyo, wala ni isang dakot ang nagagawang malaman na ang gawain sa kasalukuyan ay ang gawain ng Diyos sa langit na nagkatawang-tao. Hindi ito tungkol sa paggawa sa inyo na maging mga pambihirang taong may talento; ito ay upang tulungan kayong malaman ang kabuluhan ng buhay ng tao, malaman ang hantungan ng mga tao, at makilala ang Diyos at ang Kanyang kabuuan. Dapat mong malaman na isa kang gamit na nilikha sa mga kamay ng Lumikha. Ang dapat mong maunawaan, ang dapat mong gawin, at kung paano mo dapat sundin ang Diyos—hindi ba’t ang mga ito ang mga katotohanang kailangan mong maintindihan? Hindi ba’t ang mga ito ang mga pangitaing dapat mong makita?
Kapag nagkaroon na ng mga pangitain ang mga tao, may pundasyon na sila. Kapag nagsasagawa ka batay sa pundasyong ito, mas magiging madali ang pagpasok. Dahil dito, hindi ka magkakaroon ng mga alinlangan sa sandaling magkaroon ka ng pundasyon sa pagpasok, at magiging napakadali para sa iyo ang pumasok. Ang aspetong ito ng pag-unawa sa mga pangitain at ng pag-unawa sa gawain ng Diyos ay napakahalaga; kailangan mayroon kayo nito sa inyong imbakan. Kung wala sa iyo ang aspetong ito ng katotohanan, at kaya mo lang makipag-usap tungkol sa mga daan ng pagsasagawa, ikaw ay magiging labis na depektibo. Aking natuklasan na marami sa inyo ang hindi binibigyang-diin ang aspetong ito ng katotohanan, at kapag pinakikinggan ninyo ito, tila mga salita at doktrina lang ang pinakikinggan ninyo. Isang araw, ikaw ay mawawalan. May mga pahayag ngayon na hindi mo lubos na nauunawaan at hindi mo tinatanggap; sa gayong mga kaso, dapat kang matiyagang maghanap, at darating ang araw kung kailan iyong mauunawaan. Unti-unti mong sangkapan ang iyong sarili ng parami nang paraming pangitain. Kahit kaunting espirituwal na doktrina lang ang nauunawaan mo, mas mabuti pa rin iyon kaysa sa hindi pagbibigay-pansin sa mga pangitain, at mas mabuti pa rin iyon kaysa sa walang kahit anong nauunawaan. Lahat ng ito ay makatutulong sa iyong pagpasok, at aalisin ang iyong mga pag-aalinlangan. Mas mabuti iyon kaysa sa mapuno ka ng mga kuru-kuro. Mas mapapabuti ka kung ang mga pangitaing ito ang iyong pundasyon. Hindi ka magkakaroon ng anumang pag-aalinlangan, at magagawa mong pumasok nang matapang at malakas ang loob. Bakit ka mag-aabalang palaging sumunod sa Diyos sa gayong lito at nag-aalinlangang paraan? Hindi ba’t pareho lang iyon sa pagbubulag-bulagan? Anong sarap maglakad papasok sa kaharian nang may kumpiyansa at lakas ng loob! Bakit kailangang mapuno ng pag-aalinlangan? Hindi ba’t pinagdurusa mo lang nang labis ang sarili mo? Kapag nagkamit ka na ng pagkaunawa sa gawain ni Jehova, sa gawain ni Jesus, at sa yugtong ito ng gawain, magkakaroon ka ng pundasyon. Sa ngayon, maaaring akala mo ay napakasimple nito. May ilang taong nagsasabi, “Kapag dumating ang panahon na sinimulan na ng Banal na Espiritu ang dakilang gawain, makakapagsalita ako tungkol sa lahat ng bagay na ito. Ang katotohanang hindi ako tunay na nakauunawa sa ngayon ay dahil hindi pa ako gaanong naliwanagan ng Banal na Espiritu.” Hindi iyon ganoon kadali. Hindi iyon gaya ng kung handa kang tanggapin ang katotohanan[c] ngayon, ay magagamit mo iyon nang mahusay pagdating ng panahon. Hindi naman iyon ganoon! Naniniwala kang sapat na ang taglay mo ngayon, at hindi magiging problema sa iyo ang tumugon sa mga relihiyosong taong iyon at sa pinakadakilang mga teorista, at mapabubulaanan pa nga sila. Makakaya mo ba talagang gawin iyon? Anong pagkaunawa ang maipapahayag mo, kung ang mababaw na karanasang iyan lang ang mayroon ka? Ang pagtataglay ng katotohanan, pakikipaglaban sa laban ng katotohanan, at pagpapatotoo sa pangalan ng Diyos ay hindi ang iniisip mo—na hangga’t gumagawa ang Diyos, ang lahat ay magagawa. Sa panahong iyon, maaari kang malito ng isang tanong, at pagkatapos ay hindi makapagsalita. Ang susi ay kung ikaw ay mayroon o walang malinaw na pagkaunawa sa yugtong ito ng gawain, at kung gaano karami ang alam mo talaga tungkol dito. Kung hindi mo mapagtatagumpayan ang mga puwersa ng kaaway o matatalo ang mga puwersa ng relihiyon, hindi ka ba mawawalan ng silbi? Naranasan mo na ang gawain sa kasalukuyan, nakita iyon ng sarili mong mga mata, at narinig iyon ng sarili mong mga tainga, ngunit, kung sa huli, hindi ka makapagpatotoo, magkakaroon ka pa ba ng lakas ng loob na patuloy na mabuhay? Sino ang makakaya mong harapin? Huwag mo na ngayong isipin na magiging ganoon iyon kasimple. Ang gawain sa hinaharap ay hindi magiging kasingsimple ng inaakala mo; hindi ganoon kadali ang pakikipaglaban sa digmaan ng katotohanan; hindi ganoon kasimple. Ngayon kailangan mong masangkapan; kung wala sa iyo ang katotohanan, kapag dumating ang panahon na hindi gumawa ang Banal na Espiritu sa mapaghimalang paraan, ikaw ay malilito.
Mga Talababa:
a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “iniisip nila.”
b. Wala sa orihinal na teksto ang salitang “Siya.”
c. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “ang katotohanan.”