Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Noong siya ay kinakastigo ng Diyos, nanalangin si Pedro, “O Diyos! Ang aking laman ay mapaghimagsik, at kinakastigo Mo ako at hinahatulan ako. Ako ay nagagalak sa Iyong pagkastigo at paghatol, at kahit hindi Mo ako nais, sa Iyong paghatol ay nakikita ko ang Iyong banal at matuwid na disposisyon. Kapag hinahatulan Mo ako, upang makita ng iba ang Iyong matuwid na disposisyon sa Iyong paghatol, ako ay nasisiyahan. Kung maipapahayag nito ang Iyong disposisyon at mapahihintulutan ang Iyong matuwid na disposisyon na makita ng lahat ng nilikha, at kung gagawin nitong mas dalisay ang aking pagmamahal sa Iyo, upang maging kawangis ko ang isang matuwid, ang paghatol Mo ay mabuti, sapagkat gayon ang Iyong mapagpalang kalooban. Batid ko na puno pa rin ako ng panghihimagsik, at na ako ay hindi pa rin nararapat na lumapit sa harap Mo. Nais kong ako ay mas hatulan Mo pa, sa pamamagitan man ng isang malupit na kapaligiran o matitinding kapighatian. Anuman ang ginagawa Mo, para sa akin ito ay napakahalaga. Ang Iyong pag-ibig ay napakalalim, at handa akong ilagay ang aking sarili sa Iyong pagsasaayos nang walang munti mang pagdaing.” Ito ang kaalaman ni Pedro pagkatapos niyang maranasan ang gawain ng Diyos, at ito rin ay isang patotoo sa kanyang pag-ibig sa Diyos. Ngayon, kayo ay nalupig na—ngunit sa paanong paraan naihahayag ang pagkalupig na ito sa inyo? May ilang taong nagsasabi na, “Ang paglupig sa akin ay ang pinakamataas na biyaya at pagpaparangal ng Diyos. Ngayon ko lamang napagtanto na ang buhay ng tao ay walang saysay at walang halaga. Ginugugol ng tao ang kanyang buhay sa pagmamadali, pamumunga at pagpapalaki ng sunod-sunod na mga henerasyon ng mga bata, at sa huli ay walang matitira sa kanya. Ngayon, matapos lupigin ng Diyos, saka ko lamang nakita na walang kabuluhan ang pamumuhay sa ganitong pamamaraan. Ito ay tunay na walang kabuluhang buhay. Mabuti pang mamatay na ako at nang matapos na ito!” Ang ganito bang mga tao na nalupig ay makakamit ng Diyos? Sila ba ay maaaring maging halimbawa at huwaran? Ang ganitong mga tao ay mga aral sa pagkanegatibo. Wala silang mga hangarin, at hindi nagsusumikap na mapabuti ang kanilang mga sarili. Bagaman sila ay nabibilang sa nalupig, ang ganitong mga tao na negatibo ay hindi makakayanang gawing perpekto. Noong malapit na siyang mamatay, matapos siyang gawing perpekto, sinabi ni Pedro, “O Diyos! Kung ako ay mabubuhay ng ilan pang mga taon, nais kong magkaroon ng mas higit na dalisay at higit na malalim na pag-ibig sa Iyo.” Noong siya ay ipapako na sa krus, nanalangin siya sa kanyang puso, “O Diyos! Ang Iyong panahon ay dumating na ngayon, ang panahong Iyong inihanda para sa akin ay dumating na. Ako ay dapat na maipako sa krus para sa Iyo, dapat akong magpatotoo nito sa Iyo, at umaasa ako na ang aking pag-ibig ay makatutugon sa Iyong mga pamantayan, at na ito ay mas higit pang magiging dalisay. Ngayon, ang mamatay para sa Iyo, at maipako sa krus para sa Iyo, ay nagbibigay kaginhawahan at katiyakan sa akin, sapagkat wala nang higit pang kasiya-siya sa akin kaysa sa mapako sa krus para sa Iyo at matugunan ang Iyong mga nais, at maibigay ang aking sarili sa Iyo, maialay ang aking buhay sa Iyo. O Diyos! Ikaw ay lubhang kaibig-ibig! Kung pahihintulutan Mo akong mabuhay, lalo pa akong magiging handang ibigin Ka. Habang ako ay nabubuhay, iibigin Kita. Nais kong ibigin Ka pa nang higit na malalim. Hinahatulan Mo ako, at kinakastigo at sinusubukan dahil ako ay hindi matuwid, dahil ako ay nagkasala. At ang Iyong matuwid na disposisyon ay nagiging higit na maliwanag sa akin. Ito ay isang pagpapala sa akin, sapagkat nagagawa kong ibigin Ka nang higit na malalim, at handa akong ibigin Ka sa ganitong paraan kahit na hindi Mo ako iniibig. Handa akong makita ang Iyong matuwid na disposisyon, sapagkat mas nagkakaroon ako ng kakayahan upang isabuhay ang isang makabuluhang buhay. Nararamdaman ko na ang pamumuhay ko ngayon ay higit na may kabuluhan, sapagkat ipinapako ako sa krus para sa Iyong kapakanan, at makabuluhan ang mamatay para sa Iyo. Gayon pa man hindi pa rin ako nakakaramdam ng kasiyahan, sapagkat lubhang kakaunti ang nalalaman ko tungkol sa Iyo, batid ko na hindi ko ganap na matutupad ang Iyong mga nais, at kakaunti lamang ang napagbayaran ko sa Iyo. Sa aking buhay, hindi ko nakayang ibigay ang buong sarili ko sa Iyo. Malayo pa ako roon. Habang lumilingon ako sa sandaling ito, nararamdaman ko ang lubhang pagkakautang ko sa Iyo, at ang sandaling ito lamang ang mayroon ako upang makabawi sa lahat ng pagkakamali ko at lahat ng pag-ibig na hindi ko naibalik sa Iyo.”
Dapat sikapin ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan na lamang sa kanyang kasalukuyang mga kalagayan. Upang maisabuhay ang imahe ni Pedro, dapat niyang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat pagsikapan ng tao ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat niyang pagsikapan ang isang mas malalim, mas dalisay na pagmamahal sa Diyos, at isang buhay na may kabuluhan at kahulugan. Ito lamang ang buhay, sa ganito lamang magiging katulad ng tao si Pedro. Dapat kang tumuon sa pagiging maagap tungo sa iyong pagpasok sa positibong panig, at huwag pasibong hayaan ang iyong sarili na dumausdos pabalik para sa pagkakaroon ng panandaliang ginhawa habang binabalewala ang mas malalim, mas tiyak, at mas praktikal na mga katotohanan. Ang iyong pag-ibig ay dapat maging praktikal, at dapat kang humanap ng mga paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa masama at walang-inaalalang uri ng pamumuhay na walang pinagkaiba sa pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kahulugan, isang buhay na may kabuluhan at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili, o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan. Para sa bawat isa na naghahangad na ibigin ang Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano ka ba dapat mamuhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para tugunan ang Kanyang kalooban? Walang bagay na hihigit pa sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong mga hangarin at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga walang gulugod, mga mahihinang nilalang. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili na walang sigla sa ganitong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan. At pagkatapos, magkakaroon ka pa ba ng isa pang pagkakataon para ibigin ang Diyos? Maaari bang ibigin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng mga hangarin at ng konsensya na katulad ng kay Pedro. Ang buhay mo ay dapat na maging makahulugan, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao, at bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat mong magawang maingat na isaalang-alang kung paano mo itinuturing ang iyong buhay, kung paano mo dapat ihandog ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka magkakaroon ng isang mas makabuluhang pananampalataya sa Diyos, at paano, dahil sa iniibig mo ang Diyos, dapat mo Siyang ibigin sa paraang mas dalisay, mas mainam, at mas mabuti. Sa ngayon, hindi ka maaaring masiyahan lamang sa kung paano ka nalupig, kundi dapat mo ring isaalang-alang ang daan na iyong tatahakin sa hinaharap. Dapat kang magkaroon ng mga hangarin at ng lakas ng loob upang ikaw ay magawang perpekto, at hindi mo dapat laging isipin na hindi kaya ng iyong sarili. May pinapanigan ba ang katotohanan? Kaya bang sadyain ng katotohanan ang pagsalungat sa mga tao? Kung hahangarin mo ang katotohanan, kaya ka ba nitong madaig? Kung maninindigan ka para sa katarungan, pababagsakin ka ba nito? Kung tunay ngang ang hangarin mo ay pagsikapang matamo ang buhay, kaya ka bang iwasan ng buhay? Kung wala sa iyo ang katotohanan, hindi ito dahil sa hindi ka pinapansin ng katotohanan, kundi dahil sa lumalayo ka mula sa katotohanan. Kung hindi mo kayang manindigan nang matatag para sa katarungan, hindi ito dahil sa may kamalian ang katarungan, kundi dahil sa naniniwala kang nalilihis ito sa mga katunayan. Kung hindi mo natamo ang buhay matapos mong pagsumikapang hanapin ito sa loob ng maraming taon, ito ay hindi dahil sa ang buhay ay walang konsensya ukol sa iyo, kundi dahil sa wala kang konsensya ukol sa buhay, at naitaboy mo ang buhay. Kung namumuhay ka sa liwanag, at hindi mo nakayang makamit ang liwanag, ito ay hindi dahil sa hindi nagagawa ng liwanag na liwanagan ka, kundi dahil sa hindi mo nabigyang-pansin ang pag-iral ng liwanag, kung kaya’t tahimik kang nilisan ng liwanag. Kung hindi ka naghahangad, masasabi na lamang na ikaw ay walang-halagang basura, at walang lakas ng loob sa iyong pamumuhay, at hindi mo taglay ang espiritu para labanan ang mga puwersa ng kadiliman. Masyado kang mahina! Hindi mo kayang tumakas mula sa mga puwersa ni Satanas na umaatake sa iyo, at ang nais mo lamang ay magpatuloy sa ganitong uri ng ligtas at panatag na buhay at mamatay sa kamangmangan. Ang dapat mong makamit ay ang iyong pagsisikap na malupig. Ito ang iyong nakatakdang tungkulin. Kung sapat na para sa iyo ang malupig, itinataboy mo ang pag-iral ng liwanag. Dapat kang magdusa ng paghihirap alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng iyong buhay para sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan. Kung namumuhay ka ng gayong mahalay na buhay, at walang hinahangad na anumang mga layunin, hindi ba’t sinasayang mo ang iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa nag-iisang katotohanan, at hindi mo dapat isuko ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!
Kinakastigo at hinahatulan ng Diyos ang tao dahil kinakailangan ito ng Kanyang gawain, at, higit pa rito, dahil kailangan ito ng tao. Kailangan ng tao na makastigo at mahatulan, at saka lamang niya makakamit ang pagmamahal sa Diyos. Sa ngayon, kayo ay lubos na kumbinsido, ngunit kapag kayo ay napaharap sa kahit napakaliit na pagsubok ay naguguluhan na kayo. Ang inyong tayog ay napakaliit pa rin, at kailangan pa rin ninyong makaranas ng higit pang pagkastigo at paghatol para matamo ang mas malalim na kaalaman. Ngayon, sa halos lahat ng pagkakataon, kayo ay may kaunting takot sa Diyos sa puso ninyo, at natatakot kayo sa Diyos, at batid ninyong Siya ang tunay na Diyos, ngunit wala kayong dakilang pag-ibig sa Kanya, lalong hindi pa ninyo natamo ang dalisay na pag-ibig, ang inyong kaalaman ay napakababaw, at ang inyong tayog ay hindi sapat. Kapag kayo ay tunay na nakaranas ng isang kapaligiran, hindi pa kayo nagiging saksi, napakaliit sa inyong pagpasok ang maagap, at wala kayong ideya kung paano magsagawa. Karamihan ng mga tao ay walang-pakialam at hindi-kumikilos. Iniibig lamang nila nang palihim ang Diyos sa kanilang mga puso, ngunit walang paraan ng pagsasagawa, at hindi malinaw kung ano ang kanilang mga layunin. Ang mga taong nagawang perpekto ay hindi lamang may normal na pagkatao, kundi nagtataglay ng mga katotohanang nakahihigit sa mga sukat ng konsensya, na mas mataas pa kaysa mga pamantayan ng konsensya. Hindi lamang nila ginagamit ang kanilang konsensya upang masuklian ang pag-ibig ng Diyos, ngunit, higit pa rito, nakilala nila ang Diyos, at nakita nila na ang Diyos ay kaibig-ibig, at karapat-dapat ibigin ng tao, at napakaraming bagay ang kaibig-ibig sa Diyos. Walang magagawa ang tao kundi ang ibigin Siya. Ang pag-ibig sa Diyos para sa mga nagawang perpekto ay upang matupad nila ang kanilang pansariling mga hangarin. Ang kanila ay pag-ibig na kusang-loob, isang pag-ibig na hindi humihiling ng kapalit, at hindi isang transaksyon. Iniibig nila ang Diyos dahil lamang sa kanilang pagkakilala sa Kanya at wala nang iba pa. Hindi iniisip ng mga taong ito kung pagkakalooban sila ng Diyos ng mga biyaya, dahil sapat na sa kanila ang mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi sila nakikipagtawaran sa Diyos, o kaya ay nagsusukat ng kanilang pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng konsensya: “Nakapagbigay Ka sa akin, kaya iniibig din Kita. Kung hindi Ka nagbibigay sa akin, wala rin akong anumang maibibigay na kapalit sa Iyo.” Ang mga nagawang perpekto ay laging naniniwala na: “Ang Diyos ang Lumikha, at isinasakatuparan Niya ang Kanyang gawain sa atin. Dahil ako ay may ganitong pagkakataon, kalagayan, at katangian upang gawing perpekto, ang pagsusumikapan kong makamit ay ang magkaroon ng isang makabuluhang buhay, at dapat na Siya ay aking mapasaya.” Katulad lamang ito ng naranasan ni Pedro: Noong siya ay hinang-hina, nanalangin siya sa Diyos at sinabing, “O Diyos! Kahit anong panahon at saan mang dako, alam Mong lagi Kitang naaalaala. Kahit anong panahon at saan mang dako, batid Mong nais Kitang ibigin, ngunit ang aking tayog ay napakaliit, ako ay masyadong mahina at walang kapangyarihan, ang aking pag-ibig ay masyadong nalilimitahan, at ang aking katapatan sa Iyo ay masyadong maliit. Kung ihahambing sa Iyong pag-ibig, hindi ako nararapat para mabuhay. Nais ko lamang hilingin na ang aking buhay ay hindi mawalan ng kabuluhan, at hindi ko lamang masusuklian ang Iyong pag-ibig, kundi, higit pa rito, maaari kong ilaan sa Iyo ang lahat-lahat nang mayroon ako. Kung mapasasaya Kita, bilang isang nilikha, magkakaroon ako ng payapang isipan at hindi na hihiling nang higit pa. Bagama’t ako ay mahina at walang kapangyarihan ngayon, hindi ko malilimutan ang Iyong mga payo, at hindi ko malilimutan ang Iyong pag-ibig. Ngayon, wala akong ginagawa kundi ang suklian ko lamang ang Iyong pag-ibig. O Diyos, ang pakiramdam ko’y lubhang masama! Paano ko maibabalik sa Iyo ang pag-ibig sa aking puso, paano ko magagawa ang lahat ng aking makakaya, at makayanang tuparin ang Iyong mga ninanais, at maihandog ang lahat ng mayroon ako sa Iyo? Alam Mo ang kahinaan ng tao. Paano nga ba ako magiging karapat-dapat sa Iyong pag-ibig? O Diyos! Alam Mong ako ay mayroong mababang tayog, at babahagya lamang ang aking pag-ibig. Paano ko magagawa ang pinakamabuting makakaya ko sa ganitong uri ng kapaligiran? Alam kong dapat kong suklian ang Iyong pag-ibig, alam kong dapat kong ibigay ang lahat ng mayroon ako sa Iyo, ngunit ngayon ay lubhang mababa ang aking tayog. Aking hinihiling na bigyan Mo ako ng lakas at katatagan, upang higit ko pang mataglay ang isang dalisay na pag-ibig na maitatalaga ko sa Iyo, at higit kong maitalaga ang lahat ng mayroon ako sa Iyo. Hindi ko lamang masusuklian ang Iyong pag-ibig, kundi lalo kong maranasan ang Iyong pagkastigo, paghatol at mga pagsubok, at kahit ang mga mas matitinding sumpa. Pinayagan Mo akong mapagmasdan ang Iyong pag-ibig, at wala akong kakayahang hindi Ka ibigin at kahit na ako ay mahina at walang lakas ngayon, paano ba Kita malilimutan? Ang Iyong pag-ibig, pagkastigo, at paghatol ay naging dahilan upang makilala Kita, ngunit ramdam ko rin na wala akong kakayahang tuparin ang Iyong pag-ibig, dahil Ikaw ay napakadakila. Paano ko ba maitatalaga ang lahat ng mayroon ako sa aking Lumikha?” Iyon ang kahilingan ni Pedro, bagaman ang kanyang tayog ay lubhang hindi-sapat. Sa sandaling ito, naramdaman niya na para bang sinaksak ng isang kutsilyo ang kanyang puso at siya ay nasa matinding paghihirap. Hindi niya batid kung ano ang dapat gawin sa ilalim ng ganoong mga kalagayan. Gayunman ay nagpatuloy siya sa pananalangin: “O Diyos! Ang tao ay kasing-tayog lamang ng bata, ang kanyang konsensya ay mahina, at ang magagawa ko lamang ay suklian ang Iyong pag-ibig. Ngayon, hindi ko alam kung paano ko matutugunan ang Iyong kalooban, at ang tanging nais ko ay magawa ang lahat ng aking makakaya, maibibigay ang lahat ng mayroon ako, at maitatalaga ang lahat ng mayroon ako sa Iyo. Anuman ang Iyong maging paghatol, anuman ang Iyong pagkastigo, anuman ang Iyong igagawad sa akin, anuman ang aalisin Mo sa akin, tulungan Mo akong huwag maghinaing ng kahit katiting sa Iyo. Maraming pagkakataon, noong ako’y kinastigo at hinatulan Mo, dumaing ako sa sarili ko, at hindi ko nakamit ang kadalisayan, o natupad ang Iyong mga nais. Napipilitan lamang ang aking naging tugon sa Iyong pag-ibig, at sa sandaling ito kinamumuhian ko nang higit pa ang sarili ko.” Ang paghahanap niya ng mas dalisay na pagmamahal sa Diyos ang dahilan kung bakit nanalangin si Pedro nang ganito. Siya ay naghahanap, at nakikiusap, at, higit pa, ay nagpaparatang sa kanyang sarili, at umaamin sa kanyang mga pagkakasala sa Diyos. Pakiramdam niya ay may pagkakautang siya sa Diyos, at nakaramdam siya ng pagkamuhi sa kanyang sarili, gayunman siya ay tila nalungkot din nang bahagya at negatibo. Laging gayon ang pakiramdam niya, na parang hindi siya karapat-dapat para sa mga nais ng Diyos, at hindi niya naibigay ang lahat ng kanyang makakaya. Sa ilalim ng ganoong kalagayan, ipinagpatuloy ni Pedro ang pagsisikap na magkaroon ng pananampalatayang tulad ng kay Job. Nakita Niya kung gaano kadakila ang naging pananampalataya ni Job, sapagkat nakita ni Job na ang lahat ng pag-aari niya ay ipinagkaloob ng Diyos, at likas para sa Diyos na alisin ang lahat ng kanyang mga pag-aari, at ibigay ang mga ito ng Diyos sa kahit kanino man Niya naisin—gayon ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Walang mga reklamo si Job, at mapupuri pa rin ang Diyos. Kilala rin ni Pedro ang sarili niya, at sa kanyang puso siya ay nanalangin, “Ngayon, hindi sapat para sa akin na gantihan ang Iyong pag-ibig gamit ang aking konsensya at kahit gaano kasidhing pag-ibig ang ibigay ko pabalik sa Iyo, dahil ang aking mga kaisipan ay lubhang tiwali, at dahil wala akong kakayahang makita Ka bilang ang Lumikha. Dahil hindi pa rin ako karapat-dapat na umibig sa Iyo, dapat kong linangin ang kakayahan na ilaan ang lahat ng mayroon ako sa Iyo, na gagawin ko nang maluwag sa kalooban. Dapat kong malaman lahat ng Iyong mga nagawa, at walang pagpipilian, at dapat kong mamasdan ang Iyong pag-ibig, at makapagsalita ako ng mga papuri sa Iyo, at parangalan ang Iyong banal na pangalan, upang Ikaw ay maaaring magkamit ng dakilang kaluwalhatian sa pamamagitan ko. Ako ay handang manindigan nang matibay sa patotoong ito sa Iyo. O Diyos! Ang Iyong pag-ibig ay ubod nang inam at halaga; paano nga ba ako magnanais na mamuhay sa kasamaan? Hindi ba ako ay Iyong ginawa? Paanong mabubuhay ako sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Pipiliin ko na ang aking buong katauhan ay mamuhay sa gitna ng Iyong pagkastigo. Hindi ako payag na mamuhay sa ilalim ng kapangyarihan ng kasamaan. Kung ako ay madadalisay, at mailalaan ang aking lahat-lahat sa Iyo, kusa kong ilalaan ang aking katawan at pag-iisip sa Iyong paghatol at pagkastigo, sapagkat kinamumuhian ko si Satanas, at hindi ko gustong mamuhay sa ilalim ng kapangyarihan nito. Sa pamamagitan ng Iyong paghatol sa akin, ipinakikita Mo ang Iyong matuwid na disposisyon; ako ay natutuwa, at hindi dumaraing kahit katiting. Kung matutupad ko ang tungkulin ng isang nilikha, handa ako na ang aking buong buhay ay samahan ng Iyong paghatol, kung saan sa pamamagitan nito ay malalaman ko ang Iyong matuwid na disposisyon, at itatakwil sa sarili ko ang impluwensya ng kasamaan.” Lagi iyong ipinagdasal ni Pedro, laging iyon ang kanyang hinangad, at medyo naabot niya ang isang mataas na sakop. Hindi lamang niya naibalik ang pag-ibig ng Diyos, kundi, mas mahalaga, natupad rin niya ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Hindi lamang sa hindi siya pinaratangan ng kanyang konsensya, kundi nalampasan din niya ang mga pamantayan ng konsensya. Patuloy na nakaabot sa harap ng Diyos ang kanyang mga dalangin, anupa’t ang kanyang mga hangarin ay mas tumaas, at mas mas lalo siyang nagtataglay ng may takotl sa Diyos na puso. Bagaman nagdurusa siya ng matinding sakit, hindi pa rin niya nilimot na ibigin ang Diyos, at patuloy pang hinanap na makamtan ang kaunawaan sa kalooban ng Diyos. Sa kanyang mga panalangin ay binigkas niya ang sumusunod na mga salita: “Natupad ko ang hindi hihigit sa pagbabalik ng kabayaran ng Iyong pag-ibig. Hindi ako nagpatotoo sa Iyo sa harap ni Satanas, hindi napalaya ang sarili ko mula sa impluwensya ni Satanas, at nanatiling namumuhay sa gitna ng laman. Nais kong gamitin ang aking pag-ibig para madaig si Satanas, hiyain ito, at nang sa gayon ay matugunan ko ang Iyong kalooban. Nais kong ibigay sa Iyo ang buong sarili ko, at hindi ibigay ni katiting man ng aking sarili kay Satanas, dahil si Satanas ay Iyong kaaway.” Kapag lalo siyang nagsisikap sa daang ito, lalo siyang naaantig, at lalong tumataas ang kanyang kaalaman sa mga bagay na ito. Lingid sa kanyang kamalayan, nabatid niyang kailangan niyang kumawala sa impluwensya ni Satanas, at dapat na lubusan siyang manumbalik sa Diyos. Iyon nga ang kinasasaklawang kanyang nakamit. Napapanaigan niya ang impluwensya ni Satanas, at inaalis sa kanyang sarili ang mga kasiyahan at mga pagtatamasa ng laman, at ginustong maranasan nang mas malalim kapwa ang pagkastigo at paghatol ng Diyos. Sinabi niya, “Kahit na ako ay nabubuhay sa gitna ng Iyong pagkastigo at sa gitna ng Iyong paghatol, gaano man ang kahirapang mararanasan, hindi pa rin ako mamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, hindi pa rin ako payag magdusa sa mga panlilinlang ni Satanas. Nalulugod ako sa pamumuhay sa gitna ng Iyong mga sumpa, at namimighati sa pamumuhay sa gitna ng mga pagpapala ni Satanas. Iniibig Kita sa pamamagitan ng pamumuhay sa gitna ng Iyong paghatol, at nagbibigay ito sa akin ng malaking kasiyahan. Ang Iyong pagkastigo at paghatol ay matuwid at banal; ito ay upang linisin ako, at higit pa ay upang iligtas ako. Mas gugustuhin kong gugulin ang aking buong buhay sa gitna ng Iyong paghatol upang mapasailalim ako sa Iyong pangangalaga. Hindi ako payag na mamuhay nang kahit isang saglit sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas; gusto kong malinis Mo ako; kahit na ako ay makaranas ng mga paghihirap, hindi ako payag na magamit at malinlang ni Satanas. Ako, ang nilikhang ito, ay dapat na magamit Mo, maangkin Mo, mahatulan Mo, at makastigo Mo. Dapat Mo nga rin akong sumpain. Ang aking puso ay nagsasaya kapag nalulugod Kang pagpalain ako, sapagkat nakita ko ang Iyong pag-ibig. Ikaw ay ang Lumikha, at ako ay isang nilikha: Hindi Kita dapat ipagkanulo at mamuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, ni dapat man akong magamit ni Satanas. Dapat akong maging kabayo Mo o baka, sa halip na mabuhay para kay Satanas. Mas mamarapatin kong mabuhay sa gitna ng Iyong pagkastigo, walang kaligayahang pisikal, at ito ay magbibigay-kasiyahan sa akin kahit na mawalan ako ng Iyong biyaya. Bagaman ang Iyong biyaya ay wala sa akin, nagsasaya ako na Iyong makastigo at mahatulan; ito ang Iyong pinakamainam na pagpapala, ang Iyong pinakadakilang biyaya. Bagaman Ikaw ay palaging maringal at puno ng poot sa akin, hindi pa rin Kita maitatakwil, at hindi pa rin Kita maiibig nang sapat. Pipiliin kong manirahan sa Iyong tahanan, pipiliin kong maisumpa, makastigo, at mapalo Mo, at hindi nais na mamuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, ni hindi ko rin gusto na magmadali at gawing abala ang aking sarili para lamang sa laman, at lalong hindi ko gustong mamuhay para sa laman.” Ang pag-ibig ni Pedro ay isang dalisay na pag-ibig. Ito ang karanasan ng ginagawang perpekto, at ang pinakamataas na kinasasaklawan ng pagiging ginawang perpekto; wala nang buhay na mas makahulugan diyan. Tinanggap niya ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, pinahalagahan niya ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at wala nang mas nakahihigit pa ang kahalagahan para kay Pedro. Sinabi niya, “Binibigyan ako ni Satanas ng mga materyal na kasiyahan ngunit hindi ko pinahahalagahan ang mga iyon. Ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay dumarating sa akin—dito ako ay nabibigyan ng kagandahang-loob, dito ako ay nasisiyahan, at dito ako ay napagpala. Kung hindi dahil sa paghatol ng Diyos ay hindi ko kailan man iibigin ang Diyos, mananatili akong namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, nakokontrol at nauutusan pa rin nito. Kung gayon ang sitwasyon, hindi ako kailanman magiging isang tunay na tao, dahil hindi ko mapasasaya ang Diyos, at hindi ko mailalaan ang aking kabuuan sa Diyos. Kahit na hindi ako pinagpapala ng Diyos, iniiwan akong walang kaaliwan sa loob, na para bang may nag-aapoy sa loob ko, at walang kapayapaan o kagalakan, at kahit na hindi kailanman nalalayo sa akin ang pagkastigo at pagdisiplina ng Diyos, sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol ng Diyos nakikita ko ang Kanyang matuwid na disposisyon. Lubos akong nasisiyahan dito; wala nang iba pang bagay ang mas mahalaga o mas makahulugan sa buhay. Kahit na ang Kanyang proteksyon at pag-aalaga ay naging walang-awang pagkastigo, paghatol, mga sumpa at pagpalo, ako ay nasisiyahan pa rin sa mga bagay na ito, sapagkat maaari nilang mas mahusay na malinis ako at mabago ako, madadala ako nang mas malapit sa Diyos, magagawa ako na higit pang nagmamahal sa Diyos, at magagawang mas dalisay ang aking pagmamahal sa Diyos. Tinutulutan ako nito na makayang tuparin ang aking tungkulin bilang isang nilikha, at dinadala ako sa harap ng Diyos at malayo sa impluwensya ni Satanas, kaya hindi na ako naglilingkod kay Satanas. Kapag hindi ako namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at naitatalaga ko na ang lahat ng bagay na mayroon ako at lahat ng maaari kong gawin para sa Diyos, nang walang pag-aatubili—iyon ay ang sandali na ako ay ganap na nasisiyahan. Ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ang nagligtas sa akin, at ang aking buhay ay hindi mahihiwalay mula sa pagkastigo at paghatol ng Diyos. Ang aking buhay sa lupa ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, anupa’t kung hindi dahil sa pangangalaga at pag-iingat ng pagkastigo at paghatol ng Diyos, ako ay mananatiling namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at higit pa riyan, hindi ako magkakaroon ng pagkakataon o paraan na isabuhay ang isang makahulugang buhay. Kung hindi kailanman mahihiwalay sa akin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay saka lamang ako malilinis ng Diyos. Dahil lamang sa masasakit na salita at matuwid na disposisyon ng Diyos, at sa maringal na paghatol ng Diyos, ay natamo ko ang pinakamahusay na proteksiyon at namuhay ako sa liwanag, at natamo ang mga pagpapala ng Diyos. Upang malinis, at mapalaya ang aking sarili kay Satanas, at mamuhay sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos—ito ang pinakadakilang pagpapala sa buhay ko ngayon.” Ito ang pinakamataas na kinasasaklawan na naranasan ni Pedro.
Ito mismo ang kalagayan na dapat marating ng tao pagkatapos na siya ay magawang perpekto. Kung hindi mo kayang marating ang ganitong antas, kung gayon hindi mo magagawang isabuhay ang isang buhay na makahulugan. Ang tao ay nabubuhay sa gitna ng laman, na nangangahulugang nabubuhay siya sa isang pantaong impiyerno, at kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang tao ay kasingdumi ni Satanas. Paano magiging banal ang tao? Naniwala si Pedro na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ang pinakamabuting proteksiyon at pinakadakilang biyaya sa tao. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol ng Diyos magigising ang tao at kapopootan ang laman, kamumuhian si Satanas. Ang mahigpit na pagdisiplina ng Diyos ay nagpapalaya sa tao mula sa impluwensya ni Satanas, nagpapalaya sa kanya mula sa kanyang sariling maliit na mundo, at nagtutulot sa kanyang mamuhay sa liwanag ng presensya ng Diyos. Wala nang higit na mabuting pagliligtas kaysa sa pagkastigo at paghatol! Nanalangin si Pedro, “O Diyos! Hangga’t kinakastigo Mo at hinahatulan ako, malalaman ko na hindi Mo ako iniwan. Kahit na hindi Mo ako binibigyan ng kagalakan o kapayapaan, at ginagawa akong mamuhay nang may pagdurusa, at pinagpapasan ako ng hindi-mabilang na mga pagtutuwid, hangga’t hindi Mo ako iniiwan, ang puso ko ay magiging panatag. Ngayon, ang Iyong pagkastigo at paghatol ay naging pinakamabuting proteksiyon ko at pinakadakilang pagpapala. Ang ibinibigay Mong biyaya sa akin ay nag-iingat sa akin. Ang biyaya na Iyong ipinagkakaloob sa akin ngayon ay pagpapahayag ng Iyong matuwid na disposisyon, at pagkastigo at paghatol; bukod diyan, ito ay isang pagsubok, at, higit pa riyan, ito ay isang buhay ng pagdurusa.” Nakayang isantabi ni Pedro ang mga kasiyahan ng laman at hanapin ang isang mas malalim na pag-ibig at higit na pag-iingat, dahil marami siyang nakamtang biyaya mula sa pagkastigo at paghatol ng Diyos. Sa kanyang buhay, kung nais ng tao na malinis at makamtan ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung nais niya na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha, kung gayon dapat niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at hindi dapat hayaan ang pagdisiplina ng Diyos at pagpalo ng Diyos na lumisan mula sa kanya, upang maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa pagmamanipula at impluwensya ni Satanas, at mamuhay sa liwanag ng Diyos. Kilalanin mo na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at na walang higit na mabuting pagpapala, biyaya o pag-iingat para sa tao. Ang tao ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, at umiiral sa laman; kung hindi siya nalilinis at hindi nakatatanggap ng pag-iingat ng Diyos, kung gayon ang tao ay lalo kailanmang magiging higit na masama. Kung nais niyang ibigin ang Diyos, kung gayon dapat siyang malinis at maligtas. Nanalangin si Pedro, “Diyos ko, kapag pinakikitunguhan Mo ako nang may-kabaitan ako ay nalulugod, at nagiginhawahan; kapag kinakastigo Mo ako, nakadarama ako ng higit pang kaginhawahan at kagalakan. Bagaman ako ay mahina, at nagbabata ng di-mabigkas na pagdurusa, bagaman mayroong mga luha at kalungkutan, batid Mo na ang kalungkutang ito ay dahil sa aking paghihimagsik, at dahil sa aking kahinaan. Tumatangis ako dahil hindi ko natutugunan ang Iyong kalooban, nalulungkot ako at nanghihinayang dahil hindi ako sapat para sa Iyong mga kailangan, ngunit handa akong abutin ang kinasasaklawang ito, handa akong gawin ang lahat ng kaya ko upang Ikaw ay aking mapasaya. Ang Iyong pagkastigo ay nagdulot sa akin ng pag-iingat, at nakapagbigay sa akin ng pinakamabuting kaligtasan; ang Iyong paghatol ay nagkukubli ng Iyong pagpaparaya at pagtitiis. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol, hindi ko matatamasa ang Iyong awa at kagandahang-loob. Ngayon, lalo kong nakikita na ang Iyong pag-ibig ay nakalampas sa mga kalangitan at hinigitan ang lahat ng iba pang bagay. Ang Iyong pag-ibig ay hindi lamang awa at kagandahang-loob; higit pa riyan, ito ay pagkastigo at paghatol. Ang Iyong pagkastigo at paghatol ay nagbigay ng napakarami sa akin. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol, walang isa mang taong malilinis, at walang isa mang taong makararanas ng pag-ibig ng Lumikha. Bagaman nakapagtiis ako ng daan-daang mga pagsubok at kapighatian, at nakaranas pang mabingit sa kamatayan, natulutan ako ng mga ito na tunay Kang makilala at magtamo ng pinakamataas na kaligtasan. Kung ang Iyong pagkastigo, paghatol at pagdisiplina ay lilisan mula sa akin, kung gayon ay mabubuhay ako sa kadiliman, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ano nga ba ang mga pakinabang ng laman ng tao? Kung ang Iyong pagkastigo at paghatol ay aalis sa akin, ito ay waring ang Iyong Espiritu ay nagtakwil sa akin, na waring Ikaw ay hindi ko na kasama. Kung magkagayon nga, paano ako magpapatuloy na mabuhay? Kung binibigyan Mo ako ng karamdaman, at kukunin ang aking kalayaan, maaari pa rin akong patuloy na mabuhay, ngunit kung sakaling lilisanin ako ng Iyong pagkastigo at paghatol, mawawalan na ako ng daan upang patuloy na mabuhay. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol sa akin, mawawala na sa akin ang Iyong pag-ibig, isang pag-ibig na lubhang malalim upang aking masabi. Kung wala ang Iyong pag-ibig, ako ay mabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at hindi na makikita ang Iyong maluwalhating mukha. Paano ako makakapagpatuloy na mabuhay? Ang gayong kadiliman, ang gayong buhay, ay hindi ko kayang mabata. Ang makasama Kita ay tulad ng namamasdan Kita, kaya paano Kita maiiwan? Nagmamakaawa ako sa Iyo, nakikiusap ako sa Iyo na huwag kunin ang aking pinakadakilang kaaliwan mula sa akin, kahit na ito ay ilang salita lamang na nagbibigay-katiyakan. Natamasa ko ang Iyong pag-ibig, at ngayon ay hindi ko kayang malayo sa Iyo; paano na hindi Kita maiibig? Marami akong itinangis na mga luha ng kalungkutan dahil sa Iyong pag-ibig, subali’t lagi kong nararamdaman na ang isang buhay na gaya nito ay higit na makahulugan, higit akong napagyayaman, higit akong nababago, at higit akong tinutulutang makamit ang katotohanang taglay dapat ng mga nilikha.”
Ang buong buhay ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at wala ni isang tao ang kayang mag-isang palayain ang kanyang sarili mula sa impluwensiya ni Satanas. Lahat ay nabubuhay sa isang maruming sanlibutan, sa katiwalian at kahungkagan, wala ni katiting mang kahulugan o kahalagahan, namumuhay sila ng gayong walang-pananagutang buhay para sa laman, para sa pagnanasa, at para kay Satanas. Walang kahit katiting mang halaga sa kanilang pag-iral. Hindi kaya ng tao na hanapin ang katotohanang magpapalaya sa kanya mula sa impluwensya ni Satanas. Kahit na naniniwala ang tao sa Diyos at nagbabasa ng Bibliya, hindi niya nauunawaan kung paano siya makalalaya mula sa pagpipigil ng impluwensya ni Satanas. Sa mga nakalipas na mga kapanahunan, iilang tao lang ang nakatuklas ng lihim na ito, iilan lang ang nakaunawa rito. Sa gayon, bagaman kinamumuhian ng tao si Satanas, at kinamumuhian ang laman, hindi niya alam kung paano alisin sa sarili niya ang bumibitag na impluwensya ni Satanas. Ngayon, hindi ba’t nasa ilalim pa rin kayo ng kapangyarihan ni Satanas? Hindi ninyo pinagsisisihan ang inyong mga ginawang paghihimagsik, at lalong hindi ninyo nararamdaman na kayo ay marumi at mapaghimagsik. Pagkatapos na salungatin ang Diyos, mayroon pa rin kayong kapayapaan ng isipan at nakadarama ng lubhang katahimikan. Ang katahimikan mo ba ay hindi dahil sa ikaw ay tiwali? Ang kapayapaan bang ito ng iyong isipan ay hindi nagmumula sa iyong paghihimagsik? Ang tao ay nabubuhay sa isang pantaong impiyerno, nabubuhay siya sa madilim na impluwensya ni Satanas; sa buong lupa, ang mga multo ay naninirahan kasama ng tao, nanghihimasok sa laman ng tao. Sa lupa, hindi ka nabubuhay sa isang magandang paraiso. Ang dako na kinaroroonan mo ay ang kinasasaklawan ng mga diyablo, isang pantaong impiyerno, isang daigdig ng mga patay. Kung ang tao ay hindi nalilinis, siya ay sa karumihan; kung hindi siya iniingatan at kinakalinga ng Diyos, kung gayon siya ay nananatili pang bihag ni Satanas; kung hindi siya hinahatulan at kinakastigo, kung gayon hindi siya magkakaroon ng daan upang makalaya sa pang-aalipin ng madilim na impluwensya ni Satanas. Ang tiwaling disposisyon na iyong ipinakikita at ang mapaghimagsik na pag-uugali na iyong isinasabuhay ay sapat upang patunayang ikaw ay namumuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kung ang iyong isipan at mga iniisip ay hindi nalinis, at ang iyong disposisyon ay hindi pa nahatulan at nakastigo, kung gayon ang iyong kabuuan ay pigil pa rin ng kapangyarihan ni Satanas, ang iyong isipan ay pigil ni Satanas, ang iyong mga iniisip ay pinaiikot ni Satanas, at ang lahat sa iyo ay kontrolado ng mga kamay ni Satanas. Alam mo ba kung gaano ka pa kalayo, ngayon, mula sa mga pamantayan ni Pedro? Taglay mo ba ang kakayahang iyon? Gaano karami ang iyong nalalaman sa pagkastigo at paghatol sa ngayon? Gaano karami ang iyong taglay sa mga naging kaalaman ni Pedro? Kung, sa ngayon, ay hindi mo kayang malaman, maaari mo bang matamo ang kaalamang ito sa hinaharap? Ang isang tamad at duwag na gaya mo ay hindi talaga kayang malaman ang pagkastigo at paghatol. Kung iyong hahabulin ang kapayapaan ng laman, at ang mga kasiyahan ng laman, kung gayon hindi ka magkakaroon ng daan upang malinis, at sa katapusan ay ibabalik ka kay Satanas, sapagkat ang iyong isinasabuhay ay si Satanas, at ito ang laman. Sa katayuan ng mga bagay-bagay ngayon, maraming tao ang hindi hinahangad ang buhay, ibig sabihin ay hindi nila inaalintana ang pagiging nalinis, o tungkol sa pagpasok sa mas malalim na karanasan sa buhay. Kung gayon ay paano sila magagawang perpekto? Yaong mga hindi hinahangad ang buhay ay walang pagkakataong magawang perpekto, at yaong mga hindi naghahabol ng kaalaman sa Diyos, hindi nagsisikap na magtamo ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon, ay hindi kayang makatakas mula sa madilim na impluwensya ni Satanas. Hindi sila seryoso sa kanilang kaalaman sa Diyos at sa kanilang pagpasok sa mga pagbabago sa kanilang disposisyon, katulad ng mga naniniwala sa relihiyon, at sumusunod lamang sa ritwal at dumadalo sa mga regular na serbisyo. Hindi ba’t pagsasayang lamang iyan ng panahon? Kung, sa paniniwala ng tao sa Diyos, siya ay hindi taimtim tungkol sa mga bagay-bagay ng buhay, hindi hinahabol ang pagpasok sa katotohanan, hindi naghahabol ng mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at lalong hindi naghahabol ng isang kaalaman sa gawain ng Diyos, kung gayon hindi siya magagawang perpekto. Kung gusto mo na magawang perpekto, kung gayon ay dapat mong maunawaan ang gawain ng Diyos. Sa partikular, dapat mong maunawaan ang kahalagahan ng Kanyang pagkastigo at paghatol, at bakit ang gawaing ito ay isinasagawa sa tao. Kaya mo bang tanggapin ang gawaing ito? Sa panahon ng ganitong uri ng pagkastigo, kaya mo bang makamit ang mga karanasan at kaalaman na kapareho ng kay Pedro? Kung ikaw ay naghahangad ng kaalaman sa Diyos at ng gawain ng Banal na Espiritu, at kung nagsisikap kang magkaroon ng mga pagbabago sa iyong disposisyon, kung gayon mayroon kang pagkakataon na magawang perpekto.
Para sa mga yaong gagawing perpekto, ang hakbang na ito ng gawain ng pagiging nalupig ay hindi maaaring hindi isasagawa, sa sandaling nalupig ang isang tao ay saka pa lamang siya makararanas ng gawain ng pagiging ginagawang perpekto. Walang malaking kahalagahan sa pagganap lamang ng papel ng pagiging nalupig, hindi ito magtutulot sa iyo na maging akmang gamitin ng Diyos. Hindi ka magkakaroon ng daan na gampanan ang iyong bahagi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, sapagkat hindi mo hinahabol ang buhay, at hindi mo pinagsisikapan ang mga pagbabago at pagpapanibago ng iyong sarili, kung kaya wala kang tunay na karanasan sa buhay. Sa panahon ng gawaing ito nang paisa-isang hakbang, gumanap ka nang minsan bilang taga-serbisyo, at isang panghambing ngunit kung sa kasukdulan ay hindi mo pinagsikapang maging Pedro, at ang iyong pagsisikap ay hindi kaayon sa landas kung saan si Pedro ay ginawang perpekto, kung gayon, natural, hindi ka makararanas ng mga pagbabago sa iyong disposisyon. Kung ikaw ay isang taong naghahangad na magawang perpekto, kung gayon magpapatotoo ka, at sasabihin mo: “Sa hakbang-hakbang na gawaing ito ng Diyos, natanggap ko ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at bagaman nakapagtiis ako ng matinding pagdurusa, nalaman ko kung paano ginagawang perpekto ng Diyos ang tao, nakamit ko ang gawaing ginagawa ng Diyos, nagkaroon ako ng kaalaman sa pagkamatuwid ng Diyos, at ang Kanyang pagkastigo ay nagligtas sa akin. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay dumating sa akin, at nagdala sa akin ng mga pagpapala at biyaya; ang Kanyang paghatol at pagkastigo ang nag-ingat at dumalisay sa akin. Kung hindi ako nakastigo at nahatulan ng Diyos, at kung ang Kanyang masasakit na salita ay hindi dumating sa akin, hindi ko sana makikilala ang Diyos, at ni hindi ako maliligtas. Nakikita ko ngayon: Bilang isang nilikha, hindi lamang tinatamasa ng isang tao ang lahat ng bagay na nilikha ng Lumikha, ngunit, mas mahalaga, na lahat ng nilikha ay dapat magtamasa ng matuwid na disposisyon ng Diyos at ng Kanyang matuwid na paghatol, sapagkat ang disposisyon ng Diyos ay karapat-dapat sa pagtatamasa ng tao. Bilang isang nilikha na nagawang tiwali ni Satanas, dapat na tamasahin ng isa ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa Kanyang matuwid na disposisyon ay mayroong pagkastigo at paghatol, at, higit pa rito, mayroong dakilang pag-ibig. Bagaman hindi ko kayang lubos na matamo ang pag-ibig ng Diyos sa ngayon, nagkaroon naman ako ng mabuting kapalaran na makita ito, at dahil dito ako ay pinagpala.” Ito ang landas na nilakaran niyaong mga nakakaranas na magawang perpekto at ito ang kaalaman na sinasabi nila. Ang gayong mga tao ay pareho ni Pedro; mayroon silang parehong mga karanasan ni Pedro. Ang gayong mga tao ay yaon ding nakatamo ng buhay, at nagtataglay ng katotohanan. Kapag nararanasan nila hanggang sa katapus-tapusan, sa panahon ng paghatol ng Diyos tiyak na ganap nilang iwawaksi sa kanilang sarili ang impluwensya ni Satanas, at matatamo ng Diyos.
Pagkatapos na ang mga tao ay malupig, wala silang anumang dumadagundong na patotoo. Hiniya lamang nila si Satanas, ngunit hindi naisabuhay ang realidad ng mga salita ng Diyos. Hindi mo nakamit ang ikalawang kaligtasan; nakamtan mo lamang ang isang handog para sa kasalanan, subali’t hindi ka nagawang perpekto—ito ay malaking kawalan. Dapat ninyong maunawaan kung ano ang dapat ninyong pasukin, at kung ano ang dapat ninyong isabuhay, at dapat kayong pumasok sa mga yaon. Kung, sa katapusan, hindi mo nakamit ang pagiging nagawang perpekto, kung gayon hindi ka magiging isang totoong tao, at mapupuno ka ng pagsisisi. Sina Adan at Eba na nilalang ng Diyos sa pasimula ay mga banal na tao, ibig sabihin, habang nasa Hardin ng Eden sila ay banal, walang bahid ng karumihan. Sila rin ay tapat kay Jehova, at wala silang alam tungkol sa pagkakanulo kay Jehova. Ito ay dahil sa wala silang paggambala ng impluwensya ni Satanas, walang kamandag ni Satanas, anupa’t sila ang pinakadalisay sa lahat ng sangkatauhan. Sila ay nakatira sa Hardin ng Eden, hindi nabahiran ng anumang dumi, hindi naangkin ng laman, at may takot sila kay Jehova. Sa dakong huli, nang sila ay tinukso ni Satanas, nagkaroon sila ng kamandag ng ahas, at ng pagnanasa na ipagkanulo si Jehova, at namuhay sila sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Sa pasimula, sila ay banal at may takot kay Jehova; sa ganitong kalagayan lamang na sila ay tao. Kalaunan, pagkatapos silang tuksuhin ni Satanas, kinain nila ang bunga ng punongkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama, at namuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Unti-unti silang nagawang tiwali ni Satanas, at naiwala ang orihinal na larawan ng tao. Sa pasimula, ang tao ay mayroong hininga ni Jehova, wala kahit katiting na pagiging mapaghimagsik, at walang kasamaan sa kanyang puso. Noong panahong iyon, ang tao ay tunay na tao. Pagkatapos gawing tiwali ni Satanas, ang tao ay naging isang hayop. Ang kanyang kaisipan ay napuno ng kasamaan at karumihan, walang kabutihan at kabanalan. Hindi ba’t ito si Satanas? Marami ang naranasan mo sa gawain ng Diyos, gayunman hindi ka nabago o nalinis. Ikaw ay nabubuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at hindi pa rin nagpapasakop sa Diyos. Ito ang isang taong nalupig ngunit hindi pa nagawang perpekto. At bakit sinasabi na ang gayong tao ay hindi pa nagawang perpekto? Dahil hindi pinagsisikapan ng taong ito ang buhay o kaalaman sa gawain ng Diyos, at walang higit na iniimbot kundi ang mga kasiyahan ng laman at panandaliang kaginhawahan. Bilang bunga, walang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay, at hindi nila muling natamo ang orihinal na larawan ng tao na nilalang ng Diyos. Ang gayong mga tao ay mga naglalakad na bangkay, sila ang mga patay na walang espiritu! Yaong mga hindi naghahabol sa kaalaman sa mga bagay-bagay sa espiritu, na hindi naghahabol ng kabanalan, at hindi naghahabol na maisabuhay ang katotohanan, anupa’t sapat na sa kanila ang malupig sa negatibong panig, at hindi kayang isabuhay ang mga salita ng Diyos at maging mga taong banal—sila yaong mga taong hindi nailigtas. Sapagkat, kung hindi niya taglay ang katotohanan, hindi kakayanin ng taong manatiling nakatayo sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos; tanging ang may kakayahan na tumayong matatag sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos ang siyang mga nailigtas. Ang nais Ko ay mga taong tulad ni Pedro, mga taong nagsisikap na magawang perpekto. Ang katotohanan sa ngayon ay ipinagkakaloob sa mga nananabik at naghahanap dito. Ang pagliligtas na ito ay iginagawad sa mga yaong mahigpit na nagnanais na mailigtas ng Diyos, at hindi lamang ito itinakda upang makamit ninyo. Ang layunin nito ay upang maaaring makamit din kayo ng Diyos; nakakamit ninyo ang Diyos upang maaari kayong makamit ng Diyos. Ngayon ay winika Ko ang mga salitang ito sa inyo, at narinig ninyo ang mga yaon, at dapat kayong magsagawa ayon sa mga salitang ito. Sa huli, ang oras na isinagawa ninyo ang mga salitang ito ay magiging sandali kung kailan ay nakamit Ko kayo sa pamamagitan ng mga salitang ito; kasabay nito, ay inyo ring makakamit ang mga salitang ito, na ibig sabihin, ay makakamit ninyo ang pinakamataas na kaligtasang ito. Kapag kayo ay nalinis, kayo ay magiging isang tunay na tao na. Kung hindi mo kayang isabuhay ang katotohanan, o isabuhay ang wangis ng isa na nagawa nang perpekto, kung gayon ay masasabing ikaw ay hindi isang tao, kundi isang naglalakad na bangkay, isang hayop, dahil wala sa iyo ang katotohanan, na ibig sabihin ay wala sa iyo ang hininga ni Jehova, sa gayon ikaw ay isang patay na tao na walang espiritu! Bagaman posible na magpatotoo pagkatapos mong malupig, ang natamo mo lamang ay kaunting kaligtasan, at hindi ka pa naging isang buhay na taong nilalang na may taglay na espiritu. Bagaman nakaranas ka ng pagkastigo at paghatol, ang iyong disposisyon ay hindi napanibago o nabago bilang resulta; ikaw ay ang dati mo pa ring sarili, kabilang ka pa rin kay Satanas, at ikaw ay hindi isang tao na nalinis. Tanging yaong mga nagawang perpekto ang may halaga, at ang mga ganitong tao lamang ang nakatamo ng isang tunay na buhay. Isang araw, may isang tao na magsasabi sa iyo, “Naranasan mo na ang gawain ng Diyos, kaya ilarawan mo ang Kanyang gawain. Naranasan ni David ang gawain ng Diyos, at namasdan ang mga gawa ni Jehova, namasdan din ni Moises ang mga gawa ni Jehova, at parehong nailarawan ng dalawa ang mga gawa ni Jehova, at kayang isalita ang pagiging kamangha-mangha ni Jehova. Namasdan ninyo ang gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw; kaya mo bang salitain ang Kanyang karunungan? Kaya mo bang salitain ang pagiging kamangha-mangha ng Kanyang gawain? Ano ang mga hinihingi na ginawa ng Diyos sa inyo at paano ninyo naranasan ang mga iyon? Naranasan na ninyo ang gawain ng Diyos sa mga huling araw—ano ang pinakadakila ninyong pangitain? Kaya ba ninyong sambitin ito? Kaya ba ninyong salitain ang matuwid na disposisyon ng Diyos?” Paano ka sasagot kapag napaharap sa mga ganitong katanungan? Kung sasabihin mong, “Ang Diyos ay matuwid, kinakastigo at hinahatulan Niya tayo, at lubusan tayong inilalantad; ang disposisyon ng Diyos ay tunay na hindi nagpaparaya sa pagkakasala ng tao; pagkatapos maranasan ang gawain ng Diyos, nakarating ako sa kaalaman ng ating sariling pagiging-hayop, at totoong namasdan ko ang matuwid na disposisyon ng Diyos,” at ang isa pang tao ay patuloy kang tatanungin, “Ano pa ang mga alam mo tungkol sa Diyos? Paano isasagawa ng isang tao ang buhay pagpasok? Mayroon ka bang anumang pansariling mga hangarin?” Ikaw ay sasagot, “Pagkatapos magawang tiwali ni Satanas, ang mga nilikha ng Diyos ay naging mga hayop, at walang pinagkaiba sa mga asno. Ngayon ay nabubuhay ako sa mga kamay ng Diyos, kung kaya dapat kong matugunan ang kalooban ng Lumikha, at sundin ang anumang mga itinuturo Niya. Wala akong ibang pagpipilian.” Kung ikaw ay nagsasalita lamang ng gayong mga pangkalahatan, hindi maiintindihan ng taong iyon kung ano ang iyong sinasabi. Kapag ikaw ay tinanong nila kung anong kaalaman ang mayroon ka sa gawain ng Diyos, ang tinutukoy nila ay ang iyong mga pansariling karanasan. Nagtatanong sila kung ano ang iyong nalalaman sa pagkastigo at paghatol ng Diyos pagkatapos mo itong maranasan, at dito ay tinutukoy nila ang iyong mga pansariling karanasan, at hinihimok ka nilang magsalita ng iyong nalalaman sa katotohanan. Kung hindi ka makapagsasalita ng mga gayong bagay, ipinakikita nitong wala kang alam tungkol sa gawain ng kasalukuyan. Palagi kang nagwiwika ng mga salitang mabababaw, o mga bagay na alam na ng lahat; wala kang espesipikong mga karanasan, mas lalong walang diwa ang iyong kaalaman, at wala ka ring tunay na mga patotoo, kung kaya ang iba’y hindi naniniwala sa iyo. Huwag kang maging walang-pakialam na tagasunod ng Diyos, at huwag habulin yaong nakakaganyak sa iyo. Sa pagiging sala sa init o sala sa lamig sisirain mo ang sarili mo at maaantala ang buhay mo. Alisin mo sa iyong sarili ang gayong pagiging walang-pakialam at kawalan-ng-pagkilos, at maging dalubhasa sa paghahabol ng mga positibong bagay at mapagtagumpayan ang iyong sariling mga kahinaan, upang maaari mong matamo ang katotohanan at isabuhay ang katotohanan. Walang nakakatakot tungkol sa iyong mga kahinaan, at ang iyong mga pagkukulang ay hindi ang iyong pinakamalaking problema. Ang iyong pinakamalaking problema, at ang iyong pinakamatinding pagkukulang, ay ang iyong pagiging hindi mainit ni malamig at ang kakulangan ng iyong pagnanasa na hanapin ang katotohanan. Ang pinakamalaking problema sa inyong lahat ay ang duwag na kaisipan kung saan ay masaya na kayo sa kalagayan ng mga bagay-bagay, at naghihintay lang nang walang ginagawang hakbang. Ito ang inyong pinakamalaking balakid, at ang pinakamatinding kaaway sa inyong paghahangad sa katotohanan. Kung ikaw ay nagpapasakop lamang dahil ang mga salitang winiwika Ko ay lubhang malalim, kung gayon ay hindi mo tunay na tinataglay ang kaalaman, at ni hindi mo pinahahalagahan ang katotohanan. Ang ganyang pagpapasakop gaya ng sa iyo ay hindi patotoo at hindi Ko sinasang-ayunan ang ganyang pagpapasakop. Maaaring may magtanong sa iyo, “Saan ba talaga nanggaling ang iyong Diyos? Ano ang diwa ng iyong Diyos?” Ikaw ay tutugon, “Ang Kanyang diwa ay pagkastigo at paghatol.” Pagkatapos ay magpapatuloy siya, “Ang Diyos ba ay hindi mahabagin at maibigin tungo sa tao? Hindi mo ba alam ang mga ito?” Sasabihin mo, “Iyan ang Diyos ng iba. Ito ang Diyos na pinaniniwalan ng mga tao ng relihiyon, at hindi ito ang Diyos natin.” Kapag ang mga taong katulad mo ay nagpapalaganap ng ebanghelyo, ang tamang daan ay binabaluktot mo, kung kaya ano pa ang silbi mo? Paano matatamo ng iba ang tamang daan mula sa iyo? Hindi mo taglay ang katotohanan, at hindi makakapagsalita ng katotohanan, ni, higit sa rito, maisasabuhay ang katotohanan. Ano ang mga katangiang nagtutulot sa iyo para mabuhay sa harap ng Diyos? Kapag pinalalaganap mo sa iba ang ebanghelyo, at kapag nagbabahagian kayo tungkol sa katotohanan, at nagpapatotoo sa Diyos, kung hindi mo kayang makumbinsi sila, pabubulaanan nila ang iyong mga salita. Hindi ka ba isang pagsasayang lamang ng espasyo? Napakalawak na ang iyong karanasan sa gawain ng Diyos, gayunman kapag nagsasalita ka hinggil sa katotohanan wala kang nasasabing makabuluhan. Hindi ka ba walang-silbi? Ano ang iyong kabuluhan? Paano magiging ganoong kalawak ang inyong karanasan sa gawain ng Diyos, subali’t wala kayo kahit katiting na kaalaman tungkol sa Kanya? Kapag tinanong nila kung anong tunay na kaalaman ang mayroon ka sa Diyos, ikaw ay nauubusan ng mga salita, o kaya ay sumasagot nang isang bagay na walang-kinalaman—sinasabing ang Diyos ay makapangyarihan, na ang malalaking pagpapalang natanggap mo ay tunay na isang pagluluwalhati sa Diyos, at na wala nang hihigit pang pribilehiyo kaysa makayang masdan ang Diyos nang harapan. Ano ang halaga na mayroon sa pagsasabi nito? Ang mga iyon ay walang-saysay, mga hungkag na salita! Gayong napakalawak na ang naranasan mo sa gawain ng Diyos, nalalaman mo lamang ba na ang pagdakila sa Diyos ang katotohanan? Dapat mong malaman ang gawain ng Diyos, at sa gayong paraan ka lamang magiging isang tunay na patotoo sa Diyos. Paanong magiging patotoo sa Diyos yaong mga hindi nakatamo ng katotohanan?
Kung ang napakalawak na gawain, at napakaraming salita, ay hindi tumalab sa iyo, kung gayon kapag dumating ang panahon upang ipalaganap ang gawain ng Diyos hindi mo magagampanan ang iyong tungkulin, at mapapahiya at hahamakin. Sa panahong iyon, madarama mo na napakalaki ang utang mo sa Diyos, na ang iyong kaalaman sa Diyos ay napakababaw. Kung hindi mo hinahabol ang kaalaman sa Diyos ngayon, habang Siya ay gumagawa, kung gayon sa kalaunan ay magiging masyadong huli na. Sa katapusan, ikaw ay walang kaalamang masasabi—ikaw ay maiiwang hungkag, wala kahit ano. Ano nga ang iyong gagamitin upang magsulit sa Diyos? Mayroon ka bang lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Kailangan mong maging masigasig ngayon sa iyong paghahabol, upang sa katapusan, tulad ni Pedro, malalaman mo kung gaano kapaki-pakinabang ang pagkastigo at paghatol ng Diyos sa tao, at kung wala ang Kanyang pagkastigo at paghatol, ang tao ay hindi maililigtas, at malulubog lamang nang higit na malalim tungo rito sa maruming lupain, higit na malalim tungo sa putikan. Ang mga tao na ginawang tiwali ni Satanas ay gumawa na ng intriga laban sa isa’t isa at nagtatapakan sa isa’t isa, ay nawalan na pusong may takot sa Diyos. Ang kanilang paghihimagsik ay napakatindi, ang kanilang kuru-kuro ay napakarami, at ang lahat ay kabilang kay Satanas. Kung wala ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, ang tiwaling disposisyon ng tao ay hindi malilinis at siya ay hindi maililigtas. Kung ano ang inihahayag ng gawain sa katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao ay tiyak na yaong inihayag ng Espiritu, at ang gawain na Kanyang ginagawa ay isinasakatuparan ayon doon sa ginagawa ng Espiritu. Ngayon, kung wala kang kaalaman tungkol sa gawaing ito, kung gayon ikaw ay napakahangal at napakalaki ang nawala sa iyo! Kung hindi mo natamo ang pagliligtas ng Diyos, kung gayon ang iyong paniniwala ay isang relihiyosong pananampalataya, at ikaw ay isang Kristiyanong nasa relihiyon. Dahil ikaw ay nakakapit sa patay na doktrina, naiwala mo ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; ang iba, na naghahangad na mahalin ang Diyos, ay nakamtan ang katotohanan at buhay, samantalang ang iyong pananampalataya ay hindi kayang makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa halip, ikaw ay naging masamang tao, isang taong gumagawa ng nakasisira at nakasusuklam na mga gawain, ikaw ay naging tampulan ng mga panunuya ni Satanas, at isang bihag ni Satanas. Ang Diyos ay hindi dapat paniwalaan ng tao, kundi ibigin niya, habulin at sambahin niya. Kung hindi ka naghahabol ngayon, kung gayon ay darating ang araw kung kailan sasabihin mo, “Bakit hindi ko sinunod ang Diyos nang wasto noon, hindi Siya binigyang-kasiyahan nang wasto, hindi itinaguyod ang mga pagbabago sa aking disposisyon sa buhay? Gaano ang aking pagsisisi sa hindi ko pagpapasakop sa Diyos noon, at sa hindi ko paghahabol na makamit ang kaalaman ng salita ng Diyos. Napakarami ang sinabi ng Diyos noon; bakit hindi ako naghabol? Ako ay napakatanga!” Kapopootan mo ang iyong sarili sa isang tiyak na punto. Ngayon, hindi mo pinaniniwalaan ang mga salitang Aking sinasabi, at hindi mo binibigyang-pansin ang mga iyon; kapag dumating na ang araw para ang gawaing ito ay lumaganap, at nakita mo ang kabuuan nito, magsisisi ka, at sa sandaling yaon ikaw ay matitigilan. Mayroong mga pagpapala, gayunman ay hindi mo alam kung paano magtamasa sa mga yaon, at naroon ang katotohanan, gayunman ay hindi mo ito hinahabol. Hindi ka ba nagdadala ng sumpa sa iyong sarili? Ngayon, bagaman magsisimula pa lamang ang susunod na hakbang sa gawain ng Diyos, walang anumang katangi-tangi tungkol sa mga hinihingi sa iyo at sa kung ano ang ipinasasabuhay sa iyo. Napakalaki ang gawain, at napakarami ang katotohanan; ang mga yaon ba ay hindi karapat-dapat na malaman mo? Hindi ba kayang gisingin ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ang iyong espiritu? Hindi ba kaya ng pagkastigo at paghatol ng Diyos na tulutan kang kamuhian ang iyong sarili? Sapat na ba sa iyo na mamuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, may kapayapaan at kagalakan, at kaunting makalamang kaginhawahan? Hindi ba’t ikaw ang pinakamababa sa lahat ng tao? Wala nang mas hahangal pa kaysa sa mga yaong nakakita sa kaligtasan ngunit hindi hinangad na makamit ito; sila ay mga taong nagpapakabusog sa laman at nasisiyahan kay Satanas. Umaasa ka na ang iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahabol ang mga bagay na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling matataas na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw nga ay walang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat niyaong hindi naghahabol sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay mga hayop? Ang mga patay ba na walang mga espiritu ay lumalakad na mga bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting trabaho lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t dahil ito sa iyong mga kaisipan na masyadong mataas? Hindi ba’t dahil ito sa ikaw ay napakahangal? Kung hindi mo kayang matamo ang mga pagpapalang ito, masisisi mo ba ang Diyos sa hindi pagliligtas sa iyo? Ang iyong hinahabol ay ang matamo ang kapayapaan pagkatapos na maniwala sa Diyos, upang ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, upang ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, upang ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, upang ang iyong anak na babae ay makatagpo ng disenteng asawang lalaki, upang ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, upang magkaroon ng isang taon ng magandang panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahanap. Ang iyong hinahabol ay para mabuhay lamang nang maginhawa, upang walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, upang ang hangin ay lampasan ka lamang, upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, upang ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, upang ikaw ay hindi maapektuhan ng anumang sakuna, upang mabuhay sa pag-iingat ng Diyos, upang mabuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahabol sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tamang daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga naniniwala sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naibigay Ko na sa iyo ang tamang daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang pag-aari. Payag ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano nga ba ang kahalagahan ng mga gayong tao na nabubuhay? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi ka naghahabol ng anumang layunin; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas nang ganito, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tamang daan ay naibigay na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa kasukdulan o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahabol. Sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, at hangga’t sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, tiyak na magiging patas Siya tungo sa tao, sapagkat Siya ang pinakamatuwid. Kung sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, kaya ba Niyang isantabi ang tao? Ako ay patas sa lahat ng tao, at hinahatulan ang lahat ng tao ayon sa Aking matuwid na disposisyon, gayunman mayroong akmang mga kundisyon sa mga kinakailangan Ko sa tao, at yaong Aking kailangan ay dapat na matupad ng lahat ng tao, maging sinuman sila. Wala Akong pakialam kung ano ang mga kwalipikasyon mo, o kung gaano katagal mo na silang taglay; ang pinahahalagahan Ko lamang ay kung sinusunod mo ang Aking daan, at kung umiibig ka at nauuhaw para sa katotohanan o hindi. Kung ikaw ay kulang sa katotohanan, at sa halip nagdadala ng kahihiyan sa Aking pangalan, at hindi kumikilos ayon sa Aking daan, sumusunod lamang nang walang pakialam o malasakit, kung gayon sa sandaling iyon ay pababagsakin kita at parurusahan dahil sa iyong kasamaan, at ano nga ang masasabi mo sa panahong iyon? Masasabi mo bang ang Diyos ay hindi matuwid? Ngayon, kung nakasunod ka sa mga salita na Aking binitiwan, kung gayon ikaw ang uri ng taong Aking sinasang-ayunan. Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa anumang kalagayan, at naibahagi sa Kanya ang mga pagkakataong mabubuti at ang masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip na isabuhay ang isang buhay na makabuluhan. Sinasabi mo rin, “Sa ano mang katayuan, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid: Nagdusa ako para sa Kanya, gumawa para sa Kanya, at inilaan ang aking sarili sa Kanya, at masigasig akong nakagawa kahit hindi tumatanggap ng anumang pagkilala; tiyak na aalalahanin Niya ako.” Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang katuwirang ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o ng pantaong pag-uugnayan. Ang lahat ng mapanghimagsik at lumalaban, ang lahat ng hindi nakaayon sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang ititira! May ilang tao na nagsasabi, “Ngayon ay gumagawa ako para sa Iyo; kapag dumating ang katapusan, maaari Mo ba akong bigyan ng munting pagpapala?” Kaya tinatanong kita, “Nakatupad ka ba sa Aking mga salita?” Ang pagkamatuwid na iyong sinasalita ay nakasalig sa isang pag-uugnayan. Iniisip mo lamang na Ako ay matuwid at hindi nagtatangi sa lahat ng tao, at ang lahat ng yaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay siguradong maliligtas at makakamtan ang Aking mga pagpapala. Mayroong panloob na kahulugan ang Aking mga salita na “lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay tiyak na maliligtas”: Lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay silang mga lubos Kong makakamtan, sila yaong, pagkatapos Kong malupig, ay hinahanap ang katotohanan at ginagawang perpekto. Anong mga kalagayan ang iyong natamo? Ang nakamit mo lamang ay pagsunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan, ngunit bukod doon ay ano pa? Ikaw ba ay nakatugon sa Aking mga salita? Natupad mo ang isa sa Aking limang kailangan, gayunman ay wala kang hangarin na tuparin ang natitirang apat. Natagpuan mo ang pinakasimple, pinakamadaling landas, at pinagsikapan ito nang may saloobin na umaasa lamang na maging mapalad. Sa gayong tao na katulad mo ang Aking matuwid na disposisyon ay isa ng pagkastigo at paghatol, ito ay isa ng matuwid na pagganti, at ito ay ang matuwid na kaparusahan sa lahat ng masasamang tao; ang lahat ng hindi sumusunod sa Aking daan ay tiyak na parurusahan, kahit na sila ay sumunod hanggang sa katapus-tapusan. Ito ang pagkamatuwid ng Diyos. Kapag ang ganitong matuwid na disposisyon ay inihayag sa kaparusahan sa tao, ang tao ay matitigilan, at nakadarama ng panghihinayang na, habang sinusunod ang Diyos, hindi siya lumakad sa Kanyang daan. “Noong panahong yaon, nagdusa lamang ako nang kaunti habang sumusunod sa Diyos, ngunit hindi ko sinunod ang daan ng Diyos. Ano ang mga maidadahilan? Wala nang ibang pagpipilian kundi ang makastigo!” Gayunman sa kanyang isipan siya ay nag-iisip, “Hindi bale, nakasunod naman ako hanggang sa katapus-tapusan, kaya kahit na kastiguhin Mo ako, hindi ito magiging matinding pagkastigo, at pagkatapos mailapat ang pagkastigong ito ay nanaisin Mo pa rin ako. Alam kong matuwid Ka, at hindi Mo ako pakikitunguhan nang gayon magpakailanman. Sa kabila ng lahat, hindi ako katulad niyaong mga papawiin; yaong mga papawiin ay makatatanggap ng matinding pagkastigo, samantalang ang aking pagkastigo ay magiging mas magaan.” Ang matuwid na disposisyon ay hindi gaya ng iyong sinabi. Hindi ito ang kaso na yaong mabubuti at umaamin ng kanilang mga kasalanan ay pinakikitunguhan nang maluwag. Ang pagkamatuwid ay kabanalan, at isang disposisyon na hindi nagpapahintulot sa pagkakasala ng tao, at lahat ng marumi at hindi nabago ay ang tampulan ng poot ng Diyos. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi batas, kundi isang atas administratibo: Ito ay atas administratibo sa kaharian, at ang atas administratibong ito ay ang matuwid na kaparusahan sa sinumang hindi nagtataglay ng katotohanan at hindi nababago, at walang palugit para sa kaligtasan. Sapagkat kapag ang bawat tao ay pinagsama-sama ayon sa uri, ang mabuti ay gagantimpalaan at ang masama ay parurusahan. Yaon ang panahon na ang hantungan ng tao ay lilinawin, ito ang panahon na ang gawain ng pagliligtas ay darating sa katapusan, pagkatapos niyon, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay natapos na, at ang paghihiganti ay ilalapat sa bawat isa niyaong gumawa ng masama. Ang ilan ay nagsasabi, “Naaalala ng Diyos ang lahat ng madalas na nasa tabi Niya. Hindi Niya makakalimutan ang sinuman sa atin. Tayo ay binigyang-katiyakan na gagawing perpekto ng Diyos. Hindi Niya maaalala ang sinuman sa mga yaong nasa ibaba, yaong nasa gitna ng mga tao sa ibaba na gagawing perpekto ay tiyak na mas kaunti kaysa sa atin, tayo na madalas na makaharap ang Diyos; wala sa gitna natin ang nakalimutan ng Diyos, lahat tayo ay sinang-ayunan ng Diyos, at tayo ay tiniyak na gagawing perpekto ng Diyos.” Lahat kayo ay may gayong mga kuru-kuro. Ito ba ay pagkamatuwid? Isinagawa mo ba ang katotohanan o hindi? Ikaw sa katunayan ay nagkakalat ng mga sabi-sabing gaya nito—wala kang kahihiyan!
Ngayon, ang ilang tao ay naghahabol na magamit ng Diyos, ngunit pagkatapos malupig hindi na sila magagamit nang tuwiran. Hinggil sa mga salita na sinasabi ngayon, kung, kapag ginagamit ng Diyos ang mga tao, hindi mo pa rin kayang tuparin ang mga iyon, kung gayon ikaw ay hindi pa nagawang perpekto. Sa madaling salita, ang pagdating ng katapusan ng sakop ng panahon kapag ang tao ay nagawang perpekto ay magtatakda kung ang tao ba ay aalisin o gagamitin ng Diyos. Yaong mga nalupig ay hindi hihigit sa mga halimbawa ng pagsasawalang-kibo at pagiging negatibo; sila ay mga uliran at halimbawa, ngunit sila ay hindi hihigit sa isang paghahalo. Tanging kung ang disposisyon ng buhay ng tao ay nabago, at nakamit niya ang mga pagbabago sa panloob at panlabas na siya ay magiging nagawang ganap. Ngayon, alin ang nais mo, ang magpalupig o gawing perpekto? Alin ang nais mong makamit? Natupad mo na ba ang mga kundisyon sa pagiging nagawang perpekto? Alin mga kondisyon ang wala pa rin sa iyo? Paano mo dapat sangkapan ang iyong sarili, at paano mo dapat punuan ang iyong mga pagkukulang? Paano ka dapat pumasok tungo sa landas ng pagiging nagawang perpekto? Paano ka dapat lubusang magpasakop? Hinihiling mong magawang perpekto, kaya hinahabol mo ba ang kabanalan? Isang tao ka ba na naghahangad na makaranas ng pagkastigo at paghatol upang ikaw ay mapadalisay? Hinahabol mo ang pagiging nalinis, kaya handa ka bang tanggapin ang pagkastigo at paghatol? Hinihiling mong makilala ang Diyos, ngunit mayroon ka bang kaalaman sa Kanyang pagkastigo at paghatol? Ngayon, karamihan ng gawaing Kanyang ginagawa sa iyo ay pagkastigo at paghatol; ano ang iyong kaalaman sa gawaing ito, na naisakatuparan sa iyo? Ang mga naranasan mo bang pagkastigo at paghatol ay nakalinis sa iyo? Nabago ka ba nito? Nagkaroon ba ito ng anumang bunga sa iyo? Pagod na pagod ka na ba sa labis-labis na mga gawain ngayong araw—mga sumpa, mga paghatol, at mga pagsisiwalat—o nadarama mo ba na may malaking kapakinabangan ang mga ito sa iyo? Iniibig mo ang Diyos, ngunit bakit mo Siya iniibig? Iniibig mo ba ang Diyos dahil nakatanggap ka ng kaunting biyaya? O iniibig mo ba ang Diyos pagkatapos magkamit ng kapayapaan at kagalakan? O iniibig mo ba ang Diyos pagkatapos malinis ng Kanyang pagkastigo at paghatol? Ano ba ang tumpak na nagtutulot sa iyo na ibigin ang Diyos? Alin-alin bang mga kundisyon ang tinupad ni Pedro upang magawang perpekto? Pagkatapos niyang magawang perpekto, ano ba ang mahalagang paraan kung saan ito ipinahayag? Inibig ba niya ang Panginoong Jesus dahil nangungulila siya sa Kanya, o dahil sa hindi niya Siya makikita, o dahil sa siya ay sinisi? O inibig ba niya ang Panginoong Jesus nang higit pa dahil tinanggap niya ang pagdurusa dala ng mga kapighatian, at nakarating sa pagkakaalam ng sarili niyang karumihan at pagiging mapaghimagsik, at nalaman ang kabanalan ng Panginoon? Naging higit bang dalisay ang kanyang mapagmahal-sa-Diyos na puso dahil sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, o mayroong ibang dahilan? Alin ito? Iniibig mo ang Diyos dahil sa biyaya ng Diyos, at dahil ngayon ay nabigyan ka Niya ng ilang munting pagpapala. Ito ba ay tunay na pag-ibig? Paano mo nga ba dapat ibigin ang Diyos? Dapat mo bang tanggapin ang Kanyang pagkastigo at paghatol, at pagkatapos mamasdan ang Kanyang matuwid na disposisyon, makakaya mong tunay na ibigin Siya, anupa’t ikaw ay lubusang napaniwala, at magkaroon ng kaalaman sa Kanya? Tulad ni Pedro, masasabi mo bang hindi mo maiibig ang Diyos nang sapat? Ang iyo bang hinahabol ay ang malupig pagkatapos ng pagkastigo at paghatol, o malinis, maingatan at makalinga matapos ang pagkastigo at paghatol? Alin sa mga ito ang iyong hinahabol? Makahulugan ba ang iyong buhay, o ito ay walang-layunin at walang-halaga? Gusto mo ba ang laman, o nais mo ang katotohanan? Hinihiling mo ba ang paghatol, o kaginhawahan? Yamang napakalawak ng iyong karanasan sa gawain ng Diyos, at yamang namasdan mo ang kabanalan at pagkamatuwid ng Diyos, paano ka dapat naghahabol? Paano ka dapat lumalakad sa landas na ito? Paano mo dapat isagawa ang iyong pag-ibig sa Diyos? Ang pagkastigo at paghatol ba ng Diyos ay nagkaroon ng epekto sa iyo? Kung ikaw man ay may kaalaman sa pagkastigo at paghatol ng Diyos o wala ay nakasalalay sa kung ano ang iyong isinasabuhay, at kung hanggang saan mo iibigin ang Diyos! Sinasabi ng iyong mga labi na iniibig mo ang Diyos, ngunit ang iyong isinasabuhay ay ang luma at tiwaling disposisyon; wala kang pusong may takot sa Diyos, at lalong wala kang konsensya. Iniibig ba ng gayong mga tao ang Diyos? Ang gayong mga tao ba ay matapat sa Diyos? Sila ba yaong mga tumatanggap sa pagkastigo at paghatol ng Diyos? Sinasabi mong iniibig mo ang Diyos at naniniwala ka sa Kanya, ngunit hindi mo binibitawan ang iyong mga kuru-kuro. Sa iyong gawain, pagpasok, mga salitang iyong sinasambit, at sa iyong buhay, walang pagpapahayag ng iyong pag-ibig sa Diyos, at walang may takot sa Diyos na puso. Siya ba yaong nakatamo ng pagkastigo at paghatol ng Diyos? Maaari kayang ang taong gaya nito ay si Pedro? Ang mga yaon ba na katulad ni Pedro ay mayroon lamang ng kaalaman ngunit hindi ang pagsasabuhay? Ngayon, ano ang kundisyon na kinakailangan sa tao upang isabuhay ang totoong buhay? Ang mga panalangin ba ni Pedro ay mga salita lamang na lumabas sa kanyang bibig? Hindi ba’t ang mga iyon ay mga salitang mula sa kaibuturan ng kanyang puso? Si Pedro ba ay nanalangin lamang, at hindi isinasagawa ang katotohanan? Para kaninong pakinabang ang iyong paghahabol? Paano ka dapat tumanggap ng proteksyon at paglilinis sa panahon ng pagkastigo at paghatol ng Diyos? Hindi ba kapaki-pakinabang sa tao ang pagkastigo at paghatol ng Diyos? Ang lahat ba ng paghatol ay kaparusahan? Maaari bang tanging ang kapayapaan at kagalakan, tanging mga materyal na pagpapala at panandaliang kaginhawahan, ang kapaki-pakinabang sa buhay ng tao? Kung ang tao ay nabubuhay sa kaaya-aya at maginhawang kapaligiran, isang buhay na walang paghatol, malilinis ba siya? Kung nais ng tao na siya ay mabago at malinis, paano niya tatanggapin ang pagiging nagawang perpekto? Alin ang landas na dapat mong piliin ngayon?