Paano Mo Dapat Tahakin ang Huling Bahagi ng Landas
Kayo ngayon ay nasa huling bahagi ng landas, at ito ay isang kritikal na bahagi ng landas. Marahil ay maraming pagdurusa na ang natiis mo, maraming gawain ka nang nagawa, maraming daan ka nang nalakbay, at maraming sermon ka nang narinig; marahil ay hindi naging madaling marating ang narating mo ngayon. Kung hindi mo matiis ang pagdurusang kinakaharap mo sa kasalukuyan at kung magpapatuloy kang tulad ng ginawa mo noon, hindi ka magagawang perpekto. Hindi layon ng mga salitang ito na takutin ka—totoo ang mga ito. Pagkatapos sumailalim si Pedro sa maraming gawain ng Diyos, nagkaroon siya ng kabatiran sa ilang bagay, gayundin ng malaking pagkahiwatig. Naunawaan niya ang maraming bagay tungkol sa prinsipyo ng paglilingkod, at kalaunan ay nagawa niyang ganap na italaga ang kanyang sarili sa ipinagkatiwala sa kanya ni Jesus. Karamihan sa malaking pagpipinong kanyang tinanggap ay dahil, para sa mga bagay na nagawa niya mismo, naramdaman niya na malaki ang pagkakautang niya sa Diyos, at na hindi niya kailanman magagawang suklian Siya. Napansin din ni Pedro na ang tao ay masyadong tiwali, kaya nabagabag ang kanyang konsiyensya. Maraming nasabi si Jesus kay Pedro, ngunit sa panahong sinabi ang mga bagay na ito, kakaunti lamang ang kaya niyang unawain, at kung minsan ay nagkimkim pa siya ng kaunting paglaban at pagkasuwail. Matapos ipako sa krus si Jesus, nagkaroon siya sa wakas ng kaunting pagkamulat, at sa kanyang kalooban ay nadama niya ang matitinding kirot ng pagsisisi sa kanyang sarili. Sa huli, umabot ito sa punto kung saan nadama niya na hindi katanggap-tanggap na magkaroon ng anumang mga ideya na mali. Alam na alam niya ang sarili niyang kalagayan, at alam din niya ang kabanalan ng Panginoon. Dahil dito, mas nagkaroon siya ng pagmamahal sa kanyang puso para sa Panginoon, at mas nagtuon siya sa kanyang sariling buhay. Dahil dito ay nagdanas siya ng matitinding hirap, at bagama’t paminsan-minsan ay parang nagkaroon siya ng malubhang karamdaman at nagmistula pang patay, matapos siyang mapino nang maraming beses sa ganitong paraan, mas naunawaan niya ang kanyang sarili, at nagkaroon siya ng tunay na pagmamahal para sa Panginoon. Masasabi na ang kanyang buong buhay ay ginugol sa pagpipino, at higit pa rito, sa pagkastigo. Ang kanyang karanasan ay naiiba sa karanasan ng sinumang iba pang tao, at ang kanyang pagmamahal ay higit pa sa kaninumang hindi pa nagagawang perpekto. Kaya siya piniling huwaran ay dahil naranasan niya ang pinakamatinding sakit sa kanyang buong buhay, at ang kanyang mga karanasan ay napakamatagumpay. Kung nagagawa ninyo talagang tahakin ang huling bahagi ng landas na kagaya ni Pedro, walang sinumang nilalang ang makakaagaw sa inyong mga pagpapala.
Si Pedro ay isang taong may konsiyensya, ngunit kahit gayon ang kanyang pagkatao, hindi maiwasang nagkaroon siya ng maraming salungat at masuwaying ideya noong panahon na una siyang nagsimulang sumunod kay Jesus. Ngunit habang sinusunod niya si Jesus, hindi niya sineryoso ang mga bagay na ito, sa paniniwala na talagang ganito lang dapat ang mga tao. Kaya, noong una hindi siya nakadama ng anumang pagsisisi at ni hindi siya pinakitunguhan. Hindi sineryoso ni Jesus ang mga reaksyon ni Pedro, ni hindi Niya pinansin ang mga iyon, kundi nagpatuloy lamang Siya sa gawaing dapat Niyang gawin. Hindi Niya hinanapan ng mali si Pedro at ang iba kailanman. Maaari mong sabihing: “Maaari kayang hindi alam ni Jesus ang mga ideya nilang ito?” Hindi talaga! Ito ay dahil naunawaan Niya talaga si Pedro—totoo, masasabi na mayroon Siyang malaking pagkaunawa tungkol sa kanya—na hindi gumawa ng anumang mga hakbang si Jesus laban sa kanya. Kinasuklaman Niya ang sangkatauhan ngunit nahabag din Siya sa kanila. Hindi ba maraming tao sa inyo ngayon ang lumalaban kagaya lamang ni Pablo, at nagtataglay ng maraming kuru-kuro na kagaya ni Pedro tungkol sa Panginoong Jesus noong panahong iyon? Sinasabi Ko sa iyo, higit na makabubuti kung hindi ka gaanong maniwala sa iyong ikatlong pandama, sa iyong paghiwatig, na hindi maasahan at matagal nang lubos na winasak ng pagtitiwali ni Satanas. Sa palagay mo ba perpekto at walang mali ang iyong paghiwatig? Maraming beses nilabanan ni Pablo ang Panginoong Jesus, ngunit walang reaksyon si Jesus. Maaari kayang napagaling ni Jesus ang maysakit at napalayas ang mga demonyo, subalit hindi Niya napatalsik ang “demonyo” kay Pablo? Bakit matapos mabuhay na mag-uli si Jesus at umakyat sa langit, habang patuloy na walang-habas na inaresto ni Pablo ang mga disipulo ni Jesus, saka lamang nagpakita si Jesus sa kanya sa daan patungong Damasco at pinabagsak siya? Maaari kayang napakabagal ng pagtugon ng Panginoong Jesus? O dahil wala Siyang anumang awtoridad habang Siya ay nasa katawang-tao? Akala mo ba hindi Ko alam kapag lihim kang mapanira at lumalaban habang nakatalikod Ako? Akala mo ba magagamit mo ang maliliit na piraso ng kaliwanagang nakukuha mo mula sa Banal na Espiritu upang labanan Ako? Noong hindi pa hinog ang isipan ni Pedro, nagkimkim siya ng maraming ideya tungkol kay Jesus, kaya bakit hindi siya sinisi? Sa ngayon, maraming taong gumagawa ng mga bagay nang hindi nasisisi, at kahit malinaw silang sinabihan na mali ang kanilang ginagawa, hindi pa rin sila nakikinig. Hindi ba lahat ng iyan ay dahil sa pagkasuwail ng tao? Marami na Akong nasabi ngayon, ngunit hindi ka pa rin nakokonsiyensya ni katiting, kaya paano mo matatahak ang huling bahagi ng landas, na patuloy na makatahak hanggang sa dulo ng landas? Hindi mo ba nadarama na napakalaking usapin nito?
Matapos malupig ang mga tao, nagagawa nilang sundin ang mga pagsasaayos ng Diyos; mayroon sila kapwa ng pananampalataya at kagustuhang mahalin ang Diyos, at umasa sa mga ito upang sundan Siya. Kaya paano matatahak ang huling bahagi ng landas? Sa mga panahon ng iyong pagdanas ng matinding paghihirap, kailangan mong tiisin ang lahat ng hirap, at kailangan mong gustuhing magdusa; sa paraang ito mo lamang matatahak na mabuti ang bahaging ito ng landas. Akala mo ba napakadaling tahakin ng bahaging ito ng landas? Dapat mong malaman kung anong tungkulin ang dapat mong tuparin; kailangan ninyong dagdagan ang inyong kakayahan at sangkapan ang inyong sarili ng sapat na katotohanan. Hindi natatapos ang gawaing ito sa loob ng isa o dalawang araw, at hindi ito kasindali ng inaakala mo! Ang pagtahak sa huling bahagi ng landas ay nakasalalay sa uri ng pananampalataya at kagustuhang taglay mo talaga. Marahil ay hindi mo makita ang Banal na Espiritu na gumagawa sa iyo, o marahil ay hindi mo nagagawang matuklasan ang gawain ng Banal na Espiritu sa iglesia, kaya negatibo ka at puno ng kawalang-pag-asa sa landas na iyong tatahakin. Partikular na, ang dakilang mga mandirigma noong araw ay bumagsak na lahat—hindi ba lahat ng ito ay isang dagok sa iyo? Paano mo dapat tingnan ang mga bagay na ito? Mayroon ka bang pananampalataya, o wala? Lubos mo bang nauunawaan ang gawain ngayon, o hindi? Ang mga bagay na ito ay maaaring matukoy kung kaya mong tahakin nang husto ang huling bahagi ng landas.
Bakit sinasabi na nasa huling bahagi na kayo ngayon ng landas? Ito ay dahil naunawaan ninyo ang lahat ng bagay na dapat ninyong maunawaan, at dahil sinabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat makamit ng mga tao. Sinabi Ko na rin sa inyo ang lahat ng naipagkatiwala sa inyo. Kaya, ang inyong tinatahak ngayon ay ang huling bahagi ng landas kung saan Ko inaakay ang mga tao. Hinihiling Ko lamang na magkaroon kayo ng kakayahang mabuhay na mag-isa; magkakaroon ka palagi ng landas na tatahakin sa lahat ng oras, daragdagan mo ang iyong kakayahan tulad ng dati, babasahin nang normal ang mga salita ng Diyos, at mamumuhay nang normal. Inaakay kita ngayong mamuhay sa ganitong paraan, ngunit sa hinaharap kapag hindi Kita inaakay, magagawa mo pa rin kaya iyon? Makakaya mo bang magpatuloy? Ito ang naging karanasan ni Pedro: Noong inaakay siya ni Jesus, wala siyang pagkaunawa; palagi siyang walang iniintindi kagaya ng isang bata, at hindi siya seryoso tungkol sa mga bagay na kanyang ginawa. Nang umalis na si Jesus, saka lamang siya nagsimulang mamuhay nang normal bilang tao. Nagsimula lamang ang kanyang makabuluhang buhay nang umalis na si Jesus. Kahit taglay niya ang ilang pandama ng normal na pagkatao at ang ilan sa mga bagay na dapat taglayin ng isang normal na tao, magkagayunma’y hindi nagkaroon ng bagong simula ang kanyang tunay na karanasan at patuloy na pagsisikap hanggang sa umalis si Jesus. Ano ang inyong kasalukuyang sitwasyon? Inaakay kita ngayon sa ganitong paraan, at iniisip mo na kamangha-mangha ito. Walang mga sitwasyon at pagsubok na dumarating sa iyo, subalit sa ganitong paraan walang paraan para makita kung anong uri ng tayog talaga ang taglay mo, ni walang anumang paraan para makita kung talagang ikaw ay isang taong patuloy na naghahanap sa katotohanan. Sinasabi ng iyong bibig na nauunawaan mo ang iyong sariling diwa, ngunit hungkag ang mga salitang ito. Sa hinaharap, kapag sumapit sa iyo ang mga katotohanan, saka lamang mapapatunayan ang iyong pagkaunawa. Ngayon, ganito ang uri ng pagkaunawa mo: “Nauunawaan ko na ang sarili kong laman ay napakatiwali, at ang diwa ng laman ng mga tao ay ang maghimagsik at lumaban sa Diyos. Ang magawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay ang paraan ng Kanyang pagtataas sa mga tao. Naunawaan ko na iyon ngayon, at handa akong suklian ang pagmamahal ng Diyos.” Ngunit madaling sabihin iyan. Kalaunan kapag sumapit sa iyo ang matinding paghihirap, mga pagsubok, at pagdurusa, hindi magiging madaling pagdaanan ang mga ito. Sinusundan ninyo ang ganitong paraan araw-araw, ngunit hindi pa rin ninyo magawang ipagpatuloy ang inyong karanasan. Magiging mas malala pa ito kung pababayaan Ko kayo at hindi na papansinin; karamihan sa mga tao ay babagsak at magiging isang haligi ng asin, isang tanda ng kahihiyan. Lubhang posible ang gayong mga pangyayari. Hindi ka ba nag-aalala at nababalisa tungkol dito? Pinagdaanan ni Pedro ang ganyang uri ng sitwasyon at naranasan ang ganyang uri ng pagdurusa, ngunit nanindigan pa rin siya. Kung ganoon ang iyong sitwasyon, magagawa mo bang manindigan? Ang mga bagay na sinabi ni Jesus at ang gawaing Kanyang ginawa habang Siya ay nasa lupa ang nagbigay ng pundasyon kay Pedro, at mula sa pundasyong ito siya tumahak sa kanyang landas kalaunan. Maaabot ba ninyo ang antas na iyon? Ang mga landas na natahak mo at ang mga katotohanang naunawaan mo—maaari bang maging pundasyon mo ang mga ito para makapanindigan ka sa hinaharap? Maaari bang maging pangitain mo ang mga ito para makapanindigan kalaunan? Sasabihin Ko sa inyo ang totoo—maaaring sabihin ng isang tao na ang kasalukuyang nauunawaan ng mga tao ay puro mga doktrina. Ito ay dahil wala silang karanasan sa lahat ng bagay na kanilang nauunawaan. Nagagawa mong magpatuloy hanggang ngayon dahil lamang sa naakay ka ng bagong liwanag. Hindi dahil sa nakarating ang iyong tayog sa isang partikular na antas, kundi sa halip ay dahil naakay ka ng Aking mga salita hanggang sa ngayon; hindi dahil sa mayroon kang malaking pananampalataya, kundi sa halip ay dahil sa karunungan ng Aking mga salita, kaya wala kang magagawa kundi sumunod hanggang sa ngayon. Kung hindi Ako magsasalita ngayon, kung hindi Ko iparirinig ang Aking tinig, hindi mo magagawang magpatuloy at agad kang titigil sa pagsulong. Hindi ba ito ang inyong totoong tayog? Wala kayong ideya kung mula saang mga aspeto kayo papasok at kung saang mga aspeto ninyo mapupunan ang inyong kakulangan. Hindi ninyo nauunawaan kung paano magsabuhay ng isang makabuluhang buhay ng tao, kung paano suklian ang pagmamahal ng Diyos, o kung paano magpatotoo sa isang makapangyarihan at matunog na paraan. Lubos kayong walang kakayahang matamo ang mga bagay na ito! Kayo ay kapwa tamad at bobo! Ang nagagawa lamang ninyo ay sumandig sa ibang bagay, at ang sinasandigan ninyo ay bagong liwanag at ang Isa na nasa inyong harapan, na umaakay sa inyo. Kaya mo nagagawang mamalagi hanggang ngayon ay dahil lubos kang umasa sa bagong liwanag at sa pinakabagong mga pahayag. Hindi kayo kagaya ni Pedro, na mahusay sa paghahanap ng tunay na daan, o kagaya ni Job, na nagawang matapat na sumamba kay Jehova at maniwala na si Jehova ang Diyos gaano man siya sinubok ni Jehova, at kung pinagpala man Niya siya o hindi. Kaya mo bang gawin iyon? Paano kayo nalupig? Ang isang aspeto ay paghatol, pagkastigo, at pagsumpa, at ang isa pang aspeto ay ang mga hiwagang lumulupig sa inyo. Kayong lahat ay parang mga asno. Kung hindi sapat ang kadakilaan ng Aking sinasabi para sa inyo, kung walang mga hiwaga, hindi kayo maaaring lupigin. Kung ito ay isang taong nangangaral at iyon at iyon din ang lagi nilang ipinangaral sa loob ng ilang panahon, mag-aalisan at magsisikalat kayong lahat sa loob ng dalawang taon; hindi ninyo magagawang magpatuloy. Hindi ninyo alam kung paano palalimin ang inyong kaalaman, ni hindi ninyo nauunawaan kung paano patuloy na hanapin ang katotohanan o ang daan ng buhay. Ang tangi ninyong nauunawaan ay ang pagtanggap ng isang bagay na tila naiiba para sa inyo, kagaya ng pakikinig tungkol sa mga hiwaga o pangitain, o kung paano dating gumagawa ang Diyos, o tungkol sa mga karanasan ni Pedro, o ang kuwento sa likod ng pagpapako kay Jesus sa krus…. Handa lamang kayong makinig tungkol sa mga bagay na ito, at habang lalo kayong nakikinig, lalo kayong sumisigla. Nakikinig lamang kayo sa lahat ng ito upang mapawi ang inyong kalungkutan at pagkainip! Ang inyong buhay ay tinutustusang lahat ng naiibang mga bagay na ito. Akala mo ba narating mo ang kinalalagyan mo ngayon sa pamamagitan ng iyong sariling pananampalataya? Hindi ba ito ang hamak at kahabag-habag na tayog na taglay ninyo? Nasaan ang inyong dangal? Nasaan ang inyong pagkatao? Taglay ba ninyo ang buhay ng tao? Ilan sa mga elemento ang taglay ninyo para magawang perpekto? Hindi ba totoo ang sinasabi Ko? Nagsasalita Ako at gumagawa sa ganitong paraan, ngunit halos hindi pa rin ninyo Ako pinapansin. Habang kayo ay sumusunod, nanonood din kayo. Palagi kayong nagpapakita ng pagwawalang-bahala, at kailangan pa kayong pilitin palagi. Ganito kayo nagpatuloy na lahat; ang tanging nag-akay sa inyo sa inyong kinaroroonan ngayon ay ang pagkastigo, pagpipino, at pagtutuwid. Kung ilang sermon lamang tungkol sa pagpasok sa buhay ang ipinangaral, hindi kaya matagal na kayong nangawalang lahat? Mas masungit ang bawat isa sa inyo kaysa noon, ngunit ang totoo ay walang ibang laman ang inyong tiyan kundi puro maruming tubig! Nagawa mo lamang mamalagi hanggang ngayon dahil naunawaan mo ang iilang hiwaga, ilang bagay na hindi naunawaan ng mga tao noong araw. Wala kayong dahilan para hindi sumunod, kaya ngayon pa lamang ninyo nagawang patatagin ang inyong sarili at sumunod sa karamihan. Ito lamang ang resultang natamo sa pamamagitan ng Aking mga salita, at tiyak na hindi ito isang gawaing kayo mismo ang nakagawa. Wala kayong maipagyayabang. Kaya, sa yugtong ito ng gawain, kayo ay naakay sa panahong ito una sa lahat sa pamamagitan ng mga salita. Kung hindi, sino kaya sa inyo ang may kakayahang sumunod? Sino kaya ang magagawang magpatuloy hanggang ngayon? Noon pa man ay gusto na ninyong umalis sa unang posibleng sandali, ngunit hindi kayo nangahas; wala kayong lakas ng loob. Hanggang ngayon, bantulot pa rin kayong sumusunod.
Matapos ipako sa krus at umalis si Jesus, saka lamang nagsimulang tumahak si Pedro sa kanyang sariling daan at nagsimulang tumahak sa landas na nararapat niyang tahakin; nagsimula lamang siyang masangkapan matapos niyang makita ang kanyang sariling mga kakulangan at pagkukulang. Nakita niya na napakaliit ng kanyang pusong may takot sa Diyos sa Diyos at hindi sapat ang kanyang kagustuhang magdusa, na wala siyang anumang kabatiran, at na wala siyang pakiramdam. Nakita niya na maraming bagay sa kanya na hindi naaayon sa kalooban ni Jesus, at na maraming bagay na suwail at lumalaban at nahaluan ng kagustuhan ng tao. Pagkatapos nito, saka lamang siya nakapasok sa bawat aspeto. Noong si Jesus ang umaakay sa kanya, inilantad ni Jesus ang kanyang kalagayan at inamin ito ni Pedro at sumang-ayon siya sa sinabi ni Jesus, subalit wala pa rin siyang tunay na pagkaunawa hanggang pagkatapos niyon. Iyon ay dahil sa panahong iyon, wala pa siyang anumang karanasan ni kaalaman tungkol sa kanyang sariling tayog. Ibig sabihin, gumagamit na lamang Ako ngayon ng mga salita upang akayin kayo, at imposibleng gawin kayong perpekto sa loob ng maikling panahon, at malilimita kayo sa kakayahang maunawaan at malaman ang katotohanan. Ito ay dahil ang paglupig sa iyo at ang pagkumbinsi sa puso mo ang kasaluluyang gawain, at pagkatapos malupig ang mga tao, saka lamang gagawing perpekto ang ilan sa kanila. Sa ngayon, ang mga pangitain at katotohanang iyon na nauunawaan mo ay nagtatatag ng pundasyon para sa iyong mga karanasan sa hinaharap; sa matinding paghihirap sa hinaharap magkakaroon kayong lahat ng praktikal na karanasan sa mga salitang ito. Kalaunan, kapag sumapit sa iyo ang mga pagsubok at sumailalim ka sa paghihirap, iisipin mo ang mga salitang sinasabi mo ngayon, na: “Anumang paghihirap, mga pagsubok, o matitinding kalamidad ang aking maranasan, kailangan kong palugurin ang Diyos.” Isipin ang mga karanasan ni Pedro at pagkatapos ay ang mga karanasan ni Job—patitibayin ka ng mga salita ngayon. Sa ganitong paraan lamang mabibigyang-inspirasyon ang iyong pananampalataya. Sa panahong iyon, sinabi ni Pedro na hindi siya karapat-dapat na tumanggap ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, at pagdating ng panahon magiging handa ka ring ipakita sa mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa pamamagitan mo. Agad mong tatanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at magiging aliw sa iyo ang Kanyang paghatol, pagkastigo, at sumpa. Ngayon, hindi talaga katanggap-tanggap para sa iyo na hindi masangkapan ng katotohanan. Kung wala ito, hindi mo lamang hindi magagawang manindigan sa hinaharap, kundi baka hindi mo kayang danasin ang kasalukuyang gawain. Kung magkagayon, hindi ka ba magiging isa sa mga yaon na pinalayas at pinarusahan? Sa ngayon, wala pang anumang mga katunayang dumating sa iyo, at natustusan na kita sa alinmang mga aspetong wala sa iyo; nagsasalita Ako mula sa bawat aspeto. Hindi pa talaga kayo nakapagtiis ng maraming pagdurusa; tinatanggap lamang ninyo kung ano ang nariyan nang walang isinasakripisyo, at, higit pa riyan, wala kayong taglay na sarili ninyong tunay na mga karanasan at kabatiran. Kaya, ang inyong nauunawaan ay hindi ang inyong tunay na tayog. Nakalimita kayong makaunawa, makaalam, at makakita, ngunit wala pa kayong gaanong natutuhan. Kung hindi Ko kayo pinag-ukulan ng pansin kailanman kundi pinadaan Ko kayo sa mga karanasan sa inyong sariling tahanan, matagal na sana kayong tumakas pabalik sa malaki at malawak na mundo. Ang landas na inyong tatahakin sa hinaharap ay magiging isang daan ng pagdurusa, at kung matagumpay ninyong tatahakin ang kasalukuyang bahaging ito ng landas, magkakaroon kayo ng patotoo kapag sumailalim kayo sa mas matinding paghihirap sa hinaharap. Kung nauunawaan mo ang kabuluhan ng buhay ng tao at natahak ang tamang landas ng buhay ng tao, at kung sa hinaharap ay magpapasakop ka sa Kanyang mga plano nang walang anumang mga reklamo o pagpipilian paano ka man pinakikitunguhan ng Diyos, at kung hindi ka hihiling ng anuman sa Diyos, sa ganitong paraan ay magiging isa kang taong may halaga. Sa ngayon, hindi ka pa sumailalim sa matinding paghihirap, kaya masusunod mo ang anuman nang walang pagkakaiba. Sinasabi mo na paano man nag-aakay ang Diyos, mainam ang paraang iyon, at na nagpapasakop ka sa lahat ng Kanyang mga pagsasaayos! Kinakastigo ka man o isinusumpa ng Diyos, magiging handa kang palugurin Siya. Matapos sabihin iyon, ang sinasabi mo ngayon ay hindi kinakailangang kumatawan sa iyong tayog. Kung ano ang handa kang gawin ngayon ay hindi maipapakita na kaya mong sumunod hanggang wakas. Kapag sumapit sa iyo ang matitinding paghihirap o kapag sumasailalim ka sa ilang pag-uusig o pamimilit o maging sa mas matitinding pagsubok, hindi mo magagawang sabihin ang mga salitang iyon. Kung kaya mong taglayin ang gayong uri ng pag-unawa noon at naninindigan ka, ito ang iyong magiging tayog. Ano si Pedro noong panahong iyon? Sabi ni Pedro: “Panginoon, isasakripisyo ko ang aking buhay para sa Iyo. Kung loloobin Mong mamatay ako, mamamatay ako!” Iyon ang paraan ng pagdarasal niya noong panahong iyon. Sinabi rin niya: “Kahit hindi Ka mahal ng iba, kailangan kong mahalin Ka hanggang wakas. Susunod ako sa Iyo sa lahat ng oras.” Iyon ang sinabi niya noon, ngunit nang dumating ang mga pagsubok sa kanya, nabagabag siya at nanangis. Alam ninyong lahat na tatlong beses na ikinaila ni Pedro ang Panginoon, hindi ba? Maraming taong iiyak at magpapakita ng kahinaan ng tao kapag dumarating sa kanila ang mga pagsubok. Hindi ka panginoon ng iyong sarili. Dito, hindi mo mapipigilan ang iyong sarili. Ngayon siguro ay talagang gumagawa ka nang mahusay, ngunit iyon ay dahil angkop ang iyong sitwasyon. Kung magbago iyon bukas, ipapakita mo ang iyong karuwagan at kawalan ng kakayahan, at kung minsan ay maaari mo pang isantabi ang iyong tungkulin at lumayo. Ipinapakita nito na ang naunawaan mo sa panahong iyon ay hindi ang iyong totoong tayog. Kailangang tingnan ng isang tao ang totoong tayog ng isang tao upang makita kung talagang mahal nila ang Diyos, kung nagagawa nila talagang magpasakop sa plano ng Diyos, at kung nagagawa nilang ibigay ang buong lakas nila sa pagsasagawa ng kinakailangan ng Diyos; at kung nananatili silang tapat sa Diyos at ibinibigay nila sa Diyos ang pinakamabuti sa lahat ng bagay, kahit mangahulugan pa ito ng pagsasakripisyo ng kanilang sariling buhay.
Kailangan mong tandaan na ang mga salitang ito ay sinalita na ngayon: Kalaunan, daranas ka ng mas matinding paghihirap at mas matinding pagdurusa! Ang magawang perpekto ay hindi isang simple o madaling bagay. Kahit paano kailangan mong taglayin ang pananampalataya ni Job, o marahil ay mas malaki pang pananampalataya kaysa sa kanya. Dapat mong malaman na ang mga pagsubok sa hinaharap ay magiging mas matindi kaysa sa mga pagsubok kay Job, at na kailangan ka pa ring sumailalim sa pangmatagalang pagkastigo. Simpleng bagay ba ito? Kung hindi madaragdagan ang iyong kakayahan, kung wala kang kakayahang umunawa, at kung kakaunti ang iyong nalalaman, sa panahong iyon ay hindi ka magkakaroon ng anumang patotoo, kundi ikaw ay magiging isang biro, isang laruan para kay Satanas. Kung hindi mo mapanghawakan ang mga pangitain ngayon, ni wala ka man lang pundasyon, at ikaw ay iwawaksi sa hinaharap! Walang bahagi ng daan na madaling tahakin, kaya huwag mo itong balewalain. Timbangin mong mabuti at gumawa ka ng mga paghahanda kung paano tahakin nang wasto ang huling bahagi ng landas na ito. Ito ang landas na kailangang tahakin sa hinaharap, ang landas na kailangang tahakin ng lahat ng tao. Huwag mong hayaang mabalewala ang kaalamang ito; huwag mong isipin na nagsasayang lang Ako ng oras sa sinasabi Ko sa iyo. Darating ang araw na magagamit mo sa kabutihan ang lahat ng ito—hindi maaaring sambitin ang Aking mga salita nang walang kabuluhan. Ito ang panahon para sangkapan ang iyong sarili, ang panahon upang ihanda ang daan para sa hinaharap. Dapat mong ihanda ang landas na dapat mong tahakin kalaunan; dapat kang mag-alala at mabalisa tungkol sa kung paano mo magagawang manindigan sa hinaharap, at maghandang mabuti para sa iyong landas sa hinaharap. Huwag maging matakaw at tamad! Kailangan mong gawin talaga ang lahat ng makakaya mo para magamit nang husto ang iyong oras, upang makamit mo ang lahat ng iyong kailangan. Ibinibigay Ko sa iyo ang lahat upang ikaw ay makaunawa. Nakita na ng sarili ninyong mga mata na wala pang tatlong taon, napakarami Ko nang nasabi at napakarami Ko nang nagawa. Ang isang dahilan kaya Ako gumagawa sa ganitong paraan ay dahil napakalaki ng pagkukulang ng mga tao, at ang isa pa ay dahil sa napakaikli ng panahon; hindi na maaaring magkaroon pa ng anumang mga karagdagang pagkaantala. Iniisip mo na kailangan munang makamit ng mga tao ang perpektong kalinawan ng kalooban bago sila makapagpatotoo at makasangkapan—ngunit hindi kaya napakabagal niyon? Kaya, gaano katagal ba kita kailangang samahan? Kung magpapasama ka sa Akin hanggang sa tumanda na Ako at pumuti ang buhok, imposible iyan! Sa pagdanas ng mas matinding paghihirap, makakamtan ang tunay na pagkaunawa sa kalooban ng lahat ng tao. Ito ang mga hakbang ng gawain. Kapag lubos mo nang nauunawaan ang mga pangitaing ating ibinahagi ngayon at nagtamo ka ng tunay na tayog, anumang mga hirap ang danasin mo sa hinaharap ay hindi ka mabibigatan, at magagawa mong tiisin ang mga iyon. Kapag natapos Ko na ang huling hakbang na ito ng gawain at natapos Kong sambitin ang huling mga salita, sa hinaharap ay kakailanganing tahakin ng mga tao ang sarili nilang landas. Tutuparin nito ang mga salitang sinabi Ko noon: Ang Banal na Espiritu ay may isang tagubilin para sa bawat isang tao, at gawaing gagawin sa bawat isang tao. Sa hinaharap, tatahakin ng lahat ang landas na dapat nilang tahakin, na inaakay ng Banal na Espiritu. Sino ang magagawang magmahal sa iba habang nagdaranas ng paghihirap? Bawat indibiduwal ay may sariling pagdurusa, at bawat isa ay may sariling tayog. Walang tayog ninuman ang kapareho ng iba. Hindi magagawang mahalin ng mga lalaki ang kanilang asawa, o ng mga magulang ang kanilang mga anak; walang sinumang magagawang magmahal sa iba. Hindi iyon magiging kagaya ngayon, na posible pa ring magmahalan at magsuportahan. Iyon ang magiging panahon na bawat uri ng tao ay ilalantad. Ibig sabihin, kapag hinampas ng Diyos ang mga pastol, magsisikalat ang mga tupa ng kawan, at sa panahong iyon ay hindi kayo magkakaroon ng tunay na lider. Magkakawatak-watak ang mga tao—hindi iyon magiging kagaya ngayon, na maaari kayong magtipun-tipon bilang isang kongregasyon. Sa hinaharap, ipapakita ng mga walang gawain ng Banal na Espiritu ang tunay na kulay nila. Ipagbibili ng mga lalaki ang kanilang asawa, ipagbibili ng mga babae ang kanilang asawa, ipagbibili ng mga anak ang kanilang mga magulang, at uusigin ng mga magulang ang kanilang mga anak—ang puso ng tao ay hindi maaarok! Ang tanging magagawa ay kumapit ang isang tao sa kung ano ang mayroon siya, at tahakin nang wasto ang huling bahagi ng landas. Sa ngayon, hindi ninyo ito malinaw na nakikita; hindi malinaw sa inyong lahat ang hinaharap. Hindi madaling maranasan nang matagumpay ang hakbang na ito ng gawain.
Ang panahon ng matinding paghihirap ay hindi gaanong matagal; totoo, wala pang isang taon ang itatagal nito. Kung magtatagal ito nang isang taon, maaantala ang susunod na hakbang ng gawain, at hindi magiging sapat ang tayog ng mga tao. Kung masyado itong matagal, hindi ito matitiis ng mga tao. Kunsabagay, may mga hangganan ang tayog ng mga tao. Kapag natapos na ang Aking sariling gawain, ang susunod na hakbang ay ang tahakin ng mga tao ang landas na dapat nilang tahakin. Kailangang maunawaan ng lahat kung anong landas ang dapat nilang tahakin—ito ay isang landas at isang proseso ng pagdurusa, at isa rin itong landas ng pagpipino sa iyong kagustuhang mahalin ang Diyos. Aling mga katotohanan ang dapat mong pasukin, aling mga katotohanan ang dapat mong punan, paano ka dapat makaranas, at mula sa aling aspeto ka dapat pumasok—kailangan mong maunawaan ang lahat ng bagay na ito. Kailangan mong sangkapan ang iyong sarili ngayon. Kapag sumapit sa iyo ang matinding paghihirap, magiging huli na ang lahat. Bawat tao ay kailangang magdala ng pasanin para sa sarili nilang buhay, at hindi palaging naghihintay sa mga babala ng iba o pilitin ka palagi ng iba na makinig. Napakarami Ko nang nasabi ngunit hindi mo pa rin alam kung aling mga katotohanan ang dapat mong pasukin o isangkap sa iyong sarili. Ipinapakita nito na hindi ka nagsikap na basahin ang mga salita ng Diyos. Hindi ka nagdadala ng anumang pasanin para sa sarili mong buhay—paano magiging katanggap-tanggap iyon? Hindi malinaw sa iyo kung ano ang dapat mong pasukin, hindi mo nauunawaan ang dapat mong maunawaan, at nalilito ka pa rin kung anong landas ang dapat mong tahakin sa hinaharap. Hindi ba wala kang kakuwenta-kuwenta? Ano ang silbi mo? Ang ginagawa ninyo ngayon ay gumagawa at naglalatag kayo ng sarili ninyong mga daan. Kailangan mong malaman kung ano ang dapat na makamtan ng mga tao at kailangan mong malaman ang pamantayan ng mga kinakailangan ng Diyos sa sangkatauhan. Kailangan mong maunawaan ang mga sumusunod: Anuman ang mangyari, kahit masyado akong tiwali, kailangan kong punan ang mga depektong ito sa harap ng Diyos. Bago sinabi sa akin ng Diyos, hindi ko naunawaan, ngunit ngayong sinabi na Niya sa akin at naunawaan ko, kailangan kong magmadaling punan ang pagkukulang, isabuhay ang isang normal na pagkatao, at isabuhay ang isang larawang makatutugon sa kalooban ng Diyos. Kahit hindi ko kayang mamuhay na katulad ng ginawa ni Pedro, kahit papaano ay dapat kong isabuhay ang isang normal na pagkatao. Sa ganitong paraan, mapapalugod ko ang puso ng Diyos.
Ang huling bahagi ng landas na ito ay lalawig mula ngayon hanggang sa pagtatapos ng matinding paghihirap sa hinaharap. Ang bahaging ito ng landas ay kapag nabunyag ang tunay na tayog ng mga tao, at nagpapakita rin kung mayroon silang tunay na pananampalataya o wala. Dahil magiging mas mahirap at mas mabato ang bahaging ito ng landas kaysa anumang pinatahak sa mga tao noon, ang tawag dito ay “ang huling bahagi ng landas.” Ang totoo ay hindi ito ang pinakahuling bahagi ng landas; ito ay dahil matapos sumailalim sa matinding paghihirap, sasailalim ka naman sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at magkakaroon ng isang bahagi ng mga tao na sasailalim sa gawain ng pagiging kasangkapan. Kaya “ang huling bahagi ng landas” ay binabanggit lamang bilang pagtukoy sa matinding paghihirap ng pagpipino sa mga tao at sa malupit na sitwasyon. Sa bahaging iyon ng landas na tinahak noong araw, personal kitang inakay sa masayang paglalakbay na iyon, na hawak ka sa kamay upang turuan ka, at busugin ka mula sa sarili Kong bibig. Bagama’t maraming beses ka nang sumailalim sa pagkastigo at paghatol, sunud-sunod na mahihinang palo lamang ang mga iyon sa iyo. Mangyari pa, naging sanhi iyon upang magbago nang malaki ang iyong mga pangitain sa paniniwala sa Diyos; tumatag din nang husto ang iyong disposisyon dahil doon, at nagtulot sa iyo na magkaroon ng kaunting pagkaunawa tungkol sa Akin. Ngunit ang sinasabi Ko sa iyo ay na habang tinatahak ng mga tao ang bahaging iyon ng landas, ang halaga o ang pagpapagal na ipinalit ng mga tao ay medyo maliit—Ako ang nag-akay sa iyo sa iyong kinaroroonan ngayon. Ito ay dahil sa hindi kita pinagawa ng anuman; totoo, ni hindi man lang mataas ang Aking mga kinakailangan sa iyo—tinulutan lamang kitang tanggapin kung ano ang nariyan. Sa panahong ito walang-tigil Akong naglaan para sa inyong mga pangangailangan, at wala Akong nabanggit na di-makatwirang mga kahilingan kailanman. Nagdanas kayo ng paulit-ulit na pagkastigo, subalit hindi ninyo nagawa ang Aking orihinal na mga kinakailangan. Umaatras kayo at nalulumbay, ngunit hindi Ko ito isinasaalang-alang dahil panahon na ngayon ng Aking personal na gawain, at hindi Ko gaanong sineseryoso ang iyong “debosyon.” Ngunit sa landas mula ngayon, hindi na Ako gagawa o magsasalita, at pagdating ng panahon hindi Ko na kayo hahayaang magpatuloy sa gayong nakababagot na paraan. Tutulutan Ko kayong magkaroon ng sapat na mga aral na matututuhan, at hindi Ko ipatatanggap sa inyo kung ano ang nariyan. Kailangang ilantad ang tunay na tayog na taglay ninyo ngayon. Naging mabunga man o hindi ang inyong maraming taon ng pagsisikap ay makikita kung paano ninyo tinatahak ang huling bahaging ito ng landas. Noong araw, inakala ninyo na napakasimpleng maniwala sa Diyos, at iyon ay dahil hindi ka hinigpitan ng Diyos. At paano naman ngayon? Iniisip ba ninyo na simple ang maniwala sa Diyos? Nararamdaman pa rin ba ninyo na ang paniniwala sa Diyos ay pinasasaya at pinaliligaya kayo na tulad ng mga bata sa lansangan? Totoo na kayo ay mga tupa; gayunman, kailangan ninyong matahak ang landas na dapat ninyong tahakin upang masuklian ang biyaya ng Diyos, at upang lubos na makamit ang Diyos na inyong pinaniniwalaan. Huwag ninyong pagtawanan ang inyong sarili, at huwag ninyong lokohin ang inyong sarili! Kung makapamalagi ka sa bahaging ito ng landas, magagawa mong makita ang paglaganap ng gawain ng Aking ebanghelyo sa buong sansinukob, at mapapasaiyo ang magandang kapalaran na maging matalik Kong kaibigan, at upang magampanan mo ang iyong bahagi sa pagpapalawak ng Aking gawain sa buong sansinukob. Sa panahong iyon, patuloy mong tatahakin nang buong kagalakan ang landas na dapat mong tahakin. Magiging walang hanggan ang ningning ng hinaharap, ngunit ang pangunahing bagay ngayon ay ang tahakin nang wasto ang huling bahaging ito ng landas. Kailangan kang maghangad, at maghanda kung paano gawin ito. Ito ang kailangan mong gawin ngayon mismo; kailangang-kailangan nang magawa ito ngayon!