IX. Mga Salita tungkol sa Paghahayag ng Pagkakaiba sa Pagitan ng Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

310. Ang gawain ng Diyos Mismo ay kinapapalooban ng gawain ng buong sangkatauhan, at kumakatawan din sa gawain ng buong kapanahunan, na ibig sabihin ay na ang sariling gawain ng Diyos ay kumakatawan sa bawat galaw at kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu, samantalang dumarating ang gawain ng mga apostol matapos ang sariling gawain ng Diyos at kasunod nito, at hindi ito ang namumuno sa kapanahunan, ni kumakatawan sa mga kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu sa isang buong kapanahunan. Ginagawa lamang nila ang gawaing kailangang gawin ng tao, na walang anumang kinalaman sa gawaing pamamahala. Ang gawaing isinakatuparan ng Diyos Mismo ay isang proyektong napapaloob sa gawaing pamamahala. Ang gawain ng tao ay tungkulin lamang na ginagampanan ng mga taong kinakasangkapan, at hindi ito nauugnay sa gawaing pamamahala. Sa kabila ng katotohanan na parehong gawain ng Banal na Espiritu ang mga ito, dahil sa mga pagkakaiba sa mga pagkakakilanlan at pagkakatawan ng gawain, may malinaw at makabuluhang pagkakaiba sa pagitan ng sariling gawain ng Diyos at gawain ng tao. Bukod dito, ang lawak ng gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu ay magkakaiba sa mga taong pinag-uukulan nito na may iba’t ibang pagkakakilanlan. Ito ang mga prinsipyo at saklaw ng gawain ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

311. Sinisimulan ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ang isang bagong panahon, at ang mga tao na ginagamit Niya ang nagpapatuloy sa Kanyang gawain. Napapaloob sa ministeryo ng Diyos na nagkatawang-tao ang gawain na ginawa ng tao, at wala itong kakayahang lumampas sa ganitong saklaw. Kung hindi dumating ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain, hindi magagawa ng tao na dalhin ang lumang kapanahunan sa katapusan, at hindi magagawang maghatid ng isang bagong panahon. Ang gawain na ginawa ng tao ay nasa saklaw lamang ng kanyang tungkulin na kaya lamang ng tao, at hindi ito kumakatawan sa gawain ng Diyos. Tanging ang Diyos na nagkatawang-tao ang maaaring dumating at tapusin ang gawain na dapat Niyang gawin, at bukod sa Kanya, walang sinuman ang makakayang gawin ang gawaing ito sa ngalan Niya. Mangyari pa, ang tinutukoy Ko ay ang tungkol sa gawain ng pagkakatawang-tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao

312. Ang salita ng Diyos ay hindi maaaring ituring na salita ng tao, at lalong hindi maaaring ituring ang salita ng tao na salita ng Diyos. Ang isang taong kinakasangkapan ng Diyos ay hindi ang Diyos na nagkatawang-tao, at ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi ang taong kinakasangkapan ng Diyos. Dito, mayroong malaking pagkakaiba. Marahil, matapos basahin ang mga salitang ito, hindi mo tinatanggap ang mga iyon bilang mga salita ng Diyos, kundi bilang kaliwanagan lamang na natamo ng tao. Kung gayon, binubulag ka ng kamangmangan. Paano magiging kapareho ng kaliwanagang natamo ng tao ang mga salita ng Diyos? Ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ay nagpapasimula ng isang bagong kapanahunan, ginagabayan ang buong sangkatauhan, naghahayag ng mga hiwaga, at ipinapakita sa tao ang direksyong dapat niyang sundan sa bagong kapanahunan. Ang kaliwanagang natamo ng tao ay simpleng tagubilin lamang na isasagawa o para sa kaalaman. Hindi nito magagabayan ang buong sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan o maihahayag ang mga hiwaga ng Diyos Mismo. Pagkatapos ng lahat, ang Diyos ay Diyos, at ang tao ay tao. Ang Diyos ay may diwa ng Diyos, at ang tao ay may diwa ng tao. Kung ituturing ng tao ang mga salitang sinambit ng Diyos bilang simpleng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at ituturing ang mga salita ng mga apostol at propeta bilang mga salitang personal na sinambit ng Diyos, pagkakamali iyan ng tao. Ano’t anuman, kailanma’y hindi mo dapat pagkamalang tama ang mali, o ibaba ang mataas, o pagkamalang mababaw ang malalim; ano’t anuman, kailanma’y hindi mo dapat sadyang pabulaanan ang alam mong katotohanan. Lahat ng naniniwala na mayroong Diyos ay dapat siyasatin ang mga problema mula sa tamang pananaw, at tanggapin ang bagong gawain ng Diyos at Kanyang bagong mga salita mula sa pananaw ng Kanyang nilalang; kung hindi, aalisin sila ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

313. Ang gawain na ginagampanan niyang ginagamit ng Diyos ay ang makipagtulungan sa gawain ni Cristo o ng Banal na Espiritu. Ang taong ito ay itinataas ng Diyos sa gitna ng mga tao, siya ay naroon upang pangunahan ang lahat ng hinirang ng Diyos, at siya ay itinataas din ng Diyos upang gampanan ang gawain ng pagtutulungan ng tao. Kasama ang isang gaya nito, na nagagawang gampanan ang pagtutulungan ng tao, mas marami pa sa mga kinakailangan ng Diyos mula sa tao at sa gawaing kailangang gampanan ng Banal na Espiritu sa gitna ng tao ay matatamo sa pamamagitan niya. Ang isa pang paraan ng pagsasabi nito ay kagaya nito: Ang layunin ng Diyos sa paggamit sa taong ito ay upang lalong maunawaan ng lahat yaong mga sumusunod sa Diyos ang kalooban ng Diyos, at makamit ang higit pa sa mga kinakailangan ng Diyos. Sapagkat ang mga tao ay walang kakayahan na tuwirang maunawaan ang mga salita ng Diyos o ang kalooban ng Diyos, itinaas ng Diyos ang isang tao na sanay nang gumanap sa gayong gawain. Ang taong ito na ginagamit ng Diyos ay maaari ring ilarawan bilang isang paraan kung saan ginagabayan ng Diyos ang mga tao, o bilang “tagasalin” na nakikipagtalastasan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Kaya’t ang gayong tao ay hindi kagaya ninuman sa kanila na gumagawa sa sambahayan ng Diyos o na Kanyang mga apostol. Kagaya nila, maaaring sabihin na siya ay naglilingkod sa Diyos, ngunit sa diwa ng kanyang gawain at sa likod ng paggamit sa kanya ng Diyos ay malaki ang pagkakaiba niya mula sa ibang mga manggagawa at mga apostol. Kung ang pag-uusapan ay ang diwa ng kanyang gawain at ang nasa likod ng paggamit sa kanya, ang tao na ginagamit ng Diyos ay itinataas Niya, inihahanda ng Diyos para sa gawain ng Diyos, at siya ay nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos Mismo. Walang sinumang tao ang maaaring gumawa ng kanyang gawain para sa kanya—ito ay pakikipagtulungan ng tao na kailangang-kailangang kaagapay ng banal na gawain. Samantala, ang gawaing ginagampanan ng ibang mga manggagawa o mga apostol ay paghahatid at pagsasakatuparan lamang ng maraming aspeto ng mga pagsasaayos para sa mga iglesia sa bawat panahon, o kaya nama’y gawain ng ilang payak na pantustos ng buhay upang mapanatili ang buhay-iglesia. Ang mga manggagawa at mga apostol na ito ay hindi hinirang ng Diyos, lalong hindi sila matatawag na mga ginagamit ng Banal na Espiritu. Sila ay pinipili mula sa mga iglesia at, pagkatapos silang sanayin at linangin sa loob ng ilang panahon, silang mga angkop ay pinananatili, habang iyong mga hindi angkop ay pinababalik kung saan sila nanggaling. Sapagkat ang mga taong ito ay pinili mula sa mga iglesia, ipinakikita ng ilan ang kanilang totoong mga kulay pagkatapos maging mga pinuno, at ang ilan ay gumagawa pa nga ng maraming masasamang bagay at naaalis sa bandang huli. Ang taong ginagamit ng Diyos, sa kabilang dako, ay siyang inihanda ng Diyos, at siyang nagtataglay ng partikular na kakayahan, at mayroong pagkatao. Maaga siyang naihanda at nagawang perpekto ng Banal na Espiritu, at ganap na pinangunahan ng Banal na Espiritu, at, lalo na pagdating sa kanyang gawain, siya ay tinagubilinan at inutusan ng Banal na Espiritu—bilang resulta, walang paglihis sa landas ng pangunguna sa mga hinirang ng Diyos, sapagkat tiyak na pananagutan ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, at ginagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain sa lahat ng pagkakataon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Paggamit ng Diyos sa Tao

314. Kung, nang Siya ay magkatawang-tao, ginawa lamang ng Diyos ang gawain ng pagka-Diyos, at walang mga taong kaayon ng Kanyang puso upang gumawa na kasabay Niya, mawawalan ng kakayahan ang tao na maunawaan ang kalooban ng Diyos o makipag-ugnayan sa Diyos. Kailangang kasangkapanin ng Diyos ang normal na mga tao na kaayon ng Kanyang puso upang tapusin ang gawaing ito, upang bantayan at gabayan ang mga iglesia, nang sa gayon ay magkaroon ng kakayahan ang antas ng pag-unawa ng tao, ang kanyang utak, na isipin ang maaaring makamit. Sa madaling salita, kinakasangkapan ng Diyos ang maliit na bilang ng mga tao na kaayon ng Kanyang puso upang “isalin” ang gawaing Kanyang ginagawa sa loob ng Kanyang pagka-Diyos, nang sa gayon ay mabuksan ito—magawang wika ng tao ang banal na wika, nang sa gayon ay maintindihan at maunawaan ito ng mga tao. Kung hindi ito ginawa ng Diyos, walang sinumang makauunawa sa banal na wika ng Diyos, dahil ang mga taong kaayon ng puso ng Diyos, kung tutuusin, ay maliit na minorya, at ang kakayahan ng tao na umintindi ay mahina. Iyan ang dahilan kaya pinipili lamang ng Diyos ang paraang ito kapag gumagawa Siya sa nagkatawang-taong laman. Kung mayroon lamang banal na gawain, walang paraan para makilala o makaniig ng tao ang Diyos, dahil hindi nauunawaan ng tao ang wika ng Diyos. Nauunawaan ng tao ang wikang ito sa pamamagitan lamang ng pagkakatawan ng mga taong kaayon ng puso ng Diyos, na nagpapalinaw sa Kanyang mga salita. Gayunman, kung mayroon lamang gayong mga tao na gumagawa sa loob ng pagkatao, maaari lamang mapanatili niyan ang normal na buhay ng tao; hindi nito mababago ang disposisyon ng tao. Ang gawain ng Diyos ay hindi maaaring magkaroon ng panibagong panimula; magkakaroon lamang ng dati nang mga lumang awit, dati nang mga lumang bukambibig. Sa pamamagitan lamang ng pagkakatawan ng Diyos na nagkatawang-tao, na nagsasabi ng lahat ng kailangang sabihin at gumagawa ng lahat ng kailangang gawin sa panahon ng Kanyang pagkakatawang-tao, pagkatapos ay gumagawa at nakararanas ang mga tao ayon sa Kanyang mga salita, sa gayon lamang magbabago ang kanilang disposisyon sa buhay, at sa gayon lamang nila magagawang sumama sa agos ng panahon. Siya na gumagawa sa loob ng pagka-Diyos ay kumakatawan sa Diyos, samantalang yaong mga gumagawa sa loob ng pagkatao ay mga taong kinakasangkapan ng Diyos. Ibig sabihin, ang Diyos na nagkatawang-tao ay may malaking kaibhan sa mga taong kinakasangkapan ng Diyos. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay kayang gawin ang gawain ng pagka-Diyos, samantalang ang mga taong kinakasangkapan ng Diyos ay hindi. Sa simula ng bawat isang kapanahunan, personal na nangungusap ang Espiritu ng Diyos at naglulunsad ng bagong kapanahunan upang dalhin ang tao sa isang bagong simula. Kapag tapos na Siyang magsalita, nagpapahiwatig ito na tapos na ang gawain ng Diyos sa loob ng Kanyang pagka-Diyos. Pagkatapos noon, lahat ng tao ay sumusunod sa pangunguna ng mga yaon na kinakasangkapan ng Diyos upang pumasok sa karanasan nila sa buhay. Sa ganito ring paraan, ito rin ang yugto kung saan dinadala ng Diyos ang tao sa bagong kapanahunan at binibigyan ang mga tao ng isang bagong panimula—kung kailan nagtatapos ang gawain ng Diyos sa katawang-tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Mahalagang Kaibhan sa Pagitan ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng mga Taong Kinakasangkapan ng Diyos

315. Kahit ang isang tao na ginagamit ng Banal na Espiritu ay hindi maaaring kumatawan sa Diyos Mismo. At hindi lamang hindi maaaring kumatawan ang taong ito sa Diyos, hindi rin maaaring direktang kumatawan ang kanyang gawain sa Diyos. Ibig sabihin niyan, hindi maaaring direktang ilagay sa loob ng pamamahala ng Diyos ang karanasan ng tao, at hindi ito maaaring kumatawan sa pamamahala ng Diyos. Ang lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos Mismo ay ang gawaing ninanais Niya na gawin sa Kanyang sariling plano ng pamamahala at may kaugnayan sa dakilang pamamahala. Ang gawain na ginagawa ng tao ay binubuo ng pagtustos ng kanilang indibiduwal na karanasan. Binubuo ito ng pagkakasumpong ng isang bagong landas ng karanasan na higit sa nilakaran niyaong mga nauna sa kanila, at ng paggabay sa kanilang mga kapatid sa ilalim ng patnubay ng Banal na Espiritu. Ang itinutustos ng mga taong ito ay ang kanilang indibiduwal na karanasan o mga espirituwal na kasulatan ng mga espirituwal na tao. Kahit na sila ay ginagamit ng Banal na Espiritu, ang gawain ng gayong mga tao ay walang kinalaman sa dakilang gawain ng pamamahala na nasa anim-na-libong-taong plano. Ibinangon lamang sila ng Banal na Espiritu sa iba’t ibang panahon upang ihantong ang mga tao sa agos ng Banal na Espiritu hanggang sa magwakas ang mga tungkuling kaya nilang gampanan o dumating sa katapusan ang kanilang buhay. Ang gawaing ginagawa nila ay para lamang ihanda ang naaangkop na daan para sa Diyos Mismo o upang ipagpatuloy ang isang aspeto ng pamamahala ng Diyos Mismo sa lupa. Sa sarili nila, hindi kayang gawin ng mga taong ito ang mas dakilang gawain ng Kanyang pamamahala, at hindi sila makakapagbukas ng mga bagong daan palabas, lalo na ang tapusin ninuman sa kanila ang lahat ng gawain ng Diyos mula sa naunang kapanahunan. Samakatuwid, ang gawaing kanilang ginagawa ay kumakatawan lamang sa isang nilalang na gumaganap ng kanyang tungkulin at hindi maaaring kumatawan sa Diyos Mismo na gumaganap ng Kanyang ministeryo. Ito ay dahil ang gawaing kanilang ginagawa ay hindi tulad niyaong ginagawa ng Diyos Mismo. Hindi maaaring gawin ng tao bilang kahalili ng Diyos ang gawain ng paghahatid ng isang bagong kapanahunan. Hindi ito maaaring gawin ng sino pa man bukod sa Diyos Mismo. Ang lahat ng gawain na ginagawa ng tao ay pagganap ng kanyang tungkulin bilang isang nilalang at ito ay ginagawa kapag naaantig o naliliwanagan siya ng Banal na Espiritu. Ang patnubay na ibinibigay ng mga taong ito ay ganap na binubuo ng pagpapakita sa tao ng landas ng pagsasagawa sa pang-araw-araw na buhay at kung paano dapat kumilos ang tao na katugma sa kalooban ng Diyos. Hindi kinapapalooban ang gawain ng tao ng pamamahala ng Diyos at hindi rin ito kumakatawan sa gawain ng Espiritu. Bilang halimbawa, ang gawain nina Witness Lee at Watchman Nee ay ang manguna sa daan. Maging bago man o luma ang daan, ang gawain ay nakabase sa prinsipyo na nananatiling nakapaloob sa Biblia. Kung ito man ay para buhaying muli ang lokal na iglesia o magtayo ng lokal na iglesia, ang kanilang gawain ay ang magtatag ng mga iglesia. Ipinagpatuloy ng gawaing kanilang ginawa ang gawain na hindi natapos ni Jesus at ng Kanyang mga apostol o hindi pa lalong pinaunlad sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang kanilang ginawa sa kanilang gawain ay ang buhaying muli ang hiniling ni Jesus, sa Kanyang gawain noon, sa mga salinlahi pagkatapos Niya, kagaya ng pagpapanatiling nakatalukbong ang kanilang mga ulo, pagbautismo, pagpipira-piraso ng tinapay, o pag-inom ng alak. Maaaring sabihin na ang kanilang gawain ay ang manatili lamang sa Biblia at maghanap ng mga landas na nakapaloob lamang sa Biblia. Wala silang ginawang bagong pagsulong sa anumang paraan. … Dahil ang gawain ng mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu ay hindi tulad ng gawain na ginagawa ng Diyos Mismo, ang kanilang mga pagkakakilanlan at ang kanilang kinakatawan ay naiiba rin. Ito ay dahil naiiba ang gawain na balak gawin ng Banal na Espiritu, at dahil doon ay binibigyan ng magkakaibang pagkakakilanlan at katayuan ang mga gumagawa. Maaari ding gawin ng mga taong ginagamit ng Banal na Espiritu ang ilang bagong gawain at maaari din nilang alisin ang ilang gawain na ginawa sa naunang kapanahunan, ngunit hindi maaaring ipahayag ng kanilang gawain ang disposisyon at kalooban ng Diyos sa bagong kapanahunan. Gumagawa lamang sila upang alisin ang gawain ng naunang kapanahunan, hindi upang gawin ang bagong gawain para direktang kumatawan sa disposisyon ng Diyos Mismo. Kaya, kahit gaano karaming makalumang pagsasagawa ang kanilang buwagin o bagong pagsasagawa ang kanilang ipakilala, kumakatawan pa rin sila sa tao at mga nilalang. Gayunman, kapag ang Diyos Mismo ang nagsasakatuparan ng gawain, hindi Niya lantarang idinedeklara ang pagbuwag ng mga pagsasagawa ng lumang kapanahunan o direktang idinedeklara ang pagsisimula ng isang bagong kapanahunan. Direkta Siya at walang paliguy-ligoy sa Kanyang gawain. Tahasan Siya sa pagganap ng binabalak Niyang gawin; iyon ay, direkta Siyang nagpapahayag ng gawaing pinasimulan Niya, direktang ginagawa ang Kanyang gawain ayon sa orihinal na layunin, ipinahahayag kung ano Siya at ang Kanyang disposisyon. Sa tingin ng tao, ang Kanyang disposisyon at gayon din ang Kanyang gawain ay hindi tulad niyaong sa mga nakaraang kapanahunan. Subalit, mula sa pananaw ng Diyos Mismo, pagpapatuloy lamang ito at karagdagang pag-unlad ng Kanyang gawain. Kapag gumagawa ang Diyos Mismo, ipinahahayag Niya ang Kanyang salita at direktang naghahatid ng bagong gawain. Sa kabaligtaran, kapag gumagawa ang tao, ito ay sa pamamagitan ng masusing pagtalakay at pag-aaral, o ito ay ang pagpapaunlad ng kaalaman at pagbubuo ng sistema ng pagsasagawa na itinayo sa saligan ng gawain ng iba. Ibig sabihin, ang diwa ng gawaing ginagawa ng tao ay ang sundin ang itinatag na sistema at “lumakad sa mga dating landas gamit ang mga bagong sapatos.” Ito ay nangangahulugan na kahit na ang landas na nilakaran ng mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu ay itinayo roon sa binuksan ng Diyos Mismo. Kaya, matapos ang lahat, ang tao ay tao pa rin at ang Diyos ay Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 1

316. Sa Kapanahunan ng Biyaya, binigkas ni Jesus ang ilang salita at ipinatupad ang isang yugto ng gawain. Mayroong konteksto sa lahat ng iyon, at ang lahat ng mga iyon ay angkop sa mga kalagayan ng mga tao sa panahong iyon; si Jesus ay nagsalita at gumawa ng naaangkop sa konteksto sa panahong iyon. Siya rin ay nagsalita ng ilang propesiya. Hinulaan Niya na ang Espiritu ng katotohanan ay darating sa panahon ng mga huling araw, at magpapatupad ng isang yugto ng gawain. Na ang ibig sabihin, hindi Niya nauunawaan anumang labas sa gawain na gagawin Niya Mismo sa kapanahunang iyon; Samakatuwid, ang gawaing dala ng Diyos na nagkatawang-tao ay limitado. Kaya, ginagawa lamang Niya ang gawain ng kapanahunang kinaroroonan Niya at hindi gumagawa ng ibang gawaing walang kaugnayan sa Kanya. Sa panahong iyon, hindi gumawa si Jesus ng alinsunod sa mga damdamin o mga pangitain, kundi ayon sa angkop na panahon at konteksto. Walang kahit sinong nanguna o gumabay sa Kanya. Ang kabuuan ng Kanyang gawain ay ang kung ano Siya Mismo—iyon ang gawain na kailangang maipatupad ng nagkatawang-taong Espiritu ng Diyos, na siyang lahat ng gawain na hatid ng pagkakatawang-tao. Si Jesus ay gumawa lamang ng alinsunod sa kung ano ang Kanya Mismong nakita at narinig. Sa ibang pananalita, ang Espiritu ay gumawa nang tuwiran; hindi kailangang may magpakitang mga sugo sa Kanya at bigyan Siya ng mga panaginip, o anumang dakilang liwanag para sinagan Siya at tulutan Siyang makakita. Siya ay gumawa nang malaya at walang pagpipigil, ito ay dahil sa hindi nakabatay sa mga damdamin ang Kanyang gawain. Sa ibang pananalita, nang Siya ay gumawa hindi Siya nag-apuhap o nanghula, ngunit ginawa ang mga bagay nang may kagaanan, gumagawa at nagsasalita alinsunod sa Kanyang sariling mga ideya at sa nakita ng Kanyang sariling mga mata, na nagbibigay ng agarang panustos sa bawat disipulong sumunod sa Kanya. Ito ang kaibahan ng gawain ng Diyos at ng gawain ng mga tao: Kapag gumagawa ang mga tao, sila ay naghahanap at nag-aapuhap, palaging nanggagaya at nananadya batay sa saligang inilatag ng iba upang magtamo ng mas malalim na pagpasok. Ang gawain ng Diyos ay ang panustos ng kung ano Siya, at ginagawa Niya ang gawaing kailangan Niya Mismong gawin. Hindi Siya nagkakaloob ng panustos sa iglesia gamit ang kaalaman na nagmula sa gawain ng sinumang tao. Sa halip, ginagawa Niya ang kasalukuyang gawain batay sa kalagayan ng mga tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 5

317. Ang gawain ng tao ay nagpapahiwatig ng kanyang karanasan at kanyang pagkatao. Ang ibinibigay at ang gawain ng tao ay hindi kumakatawan sa kanya. Ang kabatiran, pangangatwiran, lohika, at mayamang imahinasyon ng tao ay kasamang lahat sa kanyang gawain. Ang karanasan ng tao ay mas naipapahiwatig ang kanyang gawain, at ang mga karanasan ng isang tao ay nagiging mga bahagi ng kanyang gawain. Ang gawain ng tao ay maaaring magpahayag ng kanyang karanasan. Kapag negatibo ang karanasan ng ilang tao, karamihan sa pananalita ng kanilang pagbabahagi ay binubuo ng mga negatibong elemento. Kung positibo ang kanilang karanasan sa loob ng ilang panahon at lalo silang may isang landas sa positibong aspeto, lubhang nakakasigla ang kanilang ibinabahagi, at maaaring magtamo ng positibong mga panustos ang mga tao mula sa kanila. Kung ang isang manggagawa ay nagiging negatibo sa loob ng ilang panahon, laging magdadala ng negatibong mga elemento ang kanyang pagbabahagi. Nakakalungkot ang ganitong uri ng pagbabahagi, at hindi sinasadyang nalulungkot ang iba pagkatapos niyang magbahagi. Nagbabago ang kalagayan ng mga alagad batay sa kalagayan ng pinuno. Anuman ang nasa kalooban ng manggagawa, iyon ang kanyang ipinapahayag, at kadalasan ay nagbabago ang gawain ng Banal na Espiritu ayon sa kalagayan ng tao. Siya ay gumagawa ayon sa karanasan ng mga tao at hindi Niya sila pinipilit, ngunit humihiling Siya sa mga tao ayon sa normal na takbo ng kanilang karanasan. Ang ibig sabihin nito ay na ang pagbabahagi ng tao ay naiiba sa salita ng Diyos. Ipinararating ng ibinabahagi ng tao ang kanilang indibiduwal na mga kabatiran at karanasan, ipinapahayag ang kanilang mga kabatiran at karanasan batay sa gawain ng Diyos. Ang kanilang responsibilidad ay alamin, pagkatapos gumawa o magsalita ang Diyos, kung ano ang kailangan nilang isagawa o pasukin, at pagkatapos ay ihatid ito sa mga alagad. Samakatuwid, ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanyang pagpasok at pagsasagawa. Mangyari pa, ang ganitong gawain ay may kahalong mga aral at karanasan ng tao o ilang saloobin ng tao. Paano man gumagawa ang Banal na Espiritu, sa tao man o sa Diyos na nagkatawang-tao, laging ipinapahayag ng mga manggagawa kung ano sila. Kahit ang Banal na Espiritu ang gumagawa, ang gawain ay nakasalig sa kung ano ang likas sa tao, dahil hindi gumagawa ang Banal na Espiritu nang walang pundasyon. Sa madaling salita, ang gawain ay hindi nagmumula sa wala, kundi ginagawa nang naaayon sa aktwal na mga pangyayari at tunay na mga kundisyon. Sa ganitong paraan lamang mababago ang disposisyon ng tao at ang kanyang dating mga kuru-kuro at dating saloobin. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang nakikita, nararanasan, at naiisip, at kaya itong abutin ng pag-iisip ng tao, kahit ito ay doktrina o mga kuru-kuro. Hindi malalampasan ng gawain ng tao ang saklaw ng karanasan ng tao, ni ng nakikita ng tao, ni ng kayang isipin o akalain ng tao, gaano man kalaki ang gawaing iyon. Lahat ng ipinapahayag ng Diyos ay kung ano Siya Mismo, at hindi ito kayang abutin ng tao—ibig sabihin, hindi ito kayang abutin ng pag-iisip ng tao. Ipinapahayag Niya ang Kanyang gawaing pamunuan ang buong sangkatauhan, at wala itong kaugnayan sa mga detalye ng karanasan ng tao, kundi sa halip ay may kinalaman ito sa Kanyang sariling pamamahala. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang karanasan, samantalang ang ipinapahayag ng Diyos ay ang Kanyang pagkatao, na Kanyang likas na disposisyon, na hindi kayang abutin ng tao. Ang karanasan ng tao ay ang kanyang kabatiran at kaalamang nakamtan batay sa pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang katauhan. Ang ganitong kabatiran at kaalaman ay tinatawag na pagkatao ng tao, at ang batayan ng pagpapahayag ng mga iyon ay ang likas na disposisyon at kakayahan ng tao—kaya nga tinatawag din ang mga iyon na pagkatao ng tao. Nagagawang ibahagi ng tao ang kanyang nararanasan at nakikita. Walang sinumang maaaring magbahagi ng anumang hindi pa nila naranasan, hindi pa nila nakita, o hindi kayang abutin ng kanilang pag-iisip, dahil ang mga bagay na iyon ay wala sa kanilang kalooban. Kung ang ipinapahayag ng tao ay hindi nagmumula sa kanyang karanasan, imahinasyon niya iyon o doktrina. Sa madaling salita, walang realidad sa kanyang mga salita. Kung hindi ka pa kailanman nakipag-ugnayan sa mga bagay ng lipunan, hindi mo magagawang ibahagi nang malinaw ang kumplikadong mga ugnayan ng lipunan. Kung wala kang pamilya, kapag nag-usap-usap ang ibang mga tao tungkol sa mga problema sa pamilya, hindi mo mauunawaan ang karamihan sa sinabi nila. Kaya, ang ibinabahagi ng tao at ang gawaing kanyang ginagawa ay kumakatawan sa kanyang kalooban.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

318. Ang Aking pananalita ay kumakatawan sa Aking pagkatao, ngunit ang Aking sinasabi ay hindi kayang abutin ng tao. Ang Aking sinasabi ay hindi yaong nararanasan ng tao, at hindi iyon isang bagay na makikita ng tao; hindi rin iyon isang bagay na mahahawakan ng tao, kundi kung ano Ako. Kinikilala lamang ng ilang tao na ang Aking ibinabahagi ay ang Aking naranasan, ngunit hindi nila kinikilala na iyon ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu. Mangyari pa, ang Aking sinasabi ay ang Aking naranasan. Ako ang siyang nakagawa ng gawaing pamamahala sa loob ng anim na libong taon. Naranasan Ko ang lahat mula sa simula ng paglikha sa sangkatauhan hanggang ngayon; paanong hindi Ko iyon magagawang talakayin? Pagdating sa likas na pagkatao ng tao, nakita Ko na nang malinaw; matagal Ko na itong napagmasdan. Paanong hindi Ko iyon magagawang banggitin nang malinaw? Dahil nakita Ko na nang malinaw ang pinakadiwa ng tao, may awtoridad Akong kastiguhin ang tao at hatulan siya, dahil lahat ng tao ay nagmula sa Akin ngunit nagawang tiwali ni Satanas. Mangyari pa, may awtoridad din Akong suriin ang gawaing Aking nagawa. Bagama’t ang gawaing ito ay hindi ginagawa ng Aking laman, ito ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu, at ito ang kung ano ang mayroon Ako at ano Ako. Samakatuwid, may awtoridad Akong ipahayag ito at gawin ang gawaing kailangan kong gawin. Ang sinasabi ng mga tao ay ang naranasan nila. Iyon ang nakita nila, ang naaabot ng kanilang isipan, at ang nadarama ng kanilang mga pandama. Iyon ang maaari nilang ibahagi. Ang mga salitang sinambit ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ay ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu at nagpapahayag ng gawaing nagawa ng Espiritu, na hindi pa naranasan o nakita ng katawang-tao, subalit ipinapahayag pa rin Niya ang Kanyang pagkatao, sapagkat ang diwa ng katawang-tao ay ang Espiritu, at ipinapahayag Niya ang gawain ng Espiritu. Gawain iyon na nagawa na ng Espiritu, bagama’t hindi iyon maabot ng katawang-tao. Matapos ang pagkakatawang-tao, sa pamamagitan ng pagpapahayag ng laman, binibigyan Niya ng kakayahan ang mga tao na malaman ang pagkatao ng Diyos at tinutulutan ang mga tao na makita ang disposisyon ng Diyos at ang gawaing Kanyang nagawa. Ang gawain ng tao ay nagbibigay sa mga tao ng higit na kalinawan kung ano ang dapat nilang pasukin at kung ano ang dapat nilang maunawaan; kinapapalooban ito ng pag-akay sa mga tao tungo sa pag-unawa at pagdanas ng katotohanan. Ang gawain ng tao ay alalayan ang mga tao; ang gawain ng Diyos ay magbukas ng mga bagong landas at mga bagong kapanahunan para sa sangkatauhan, at ibunyag sa mga tao yaong hindi alam ng mga mortal, na nagbibigay-kakayahan sa kanila na malaman ang Kanyang disposisyon. Ang gawain ng Diyos ay pamunuan ang buong sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

319. Lahat ng gawain ng Banal na Espiritu ay isinasagawa upang makinabang ang mga tao. Tungkol lahat iyon sa paghubog sa mga tao; walang gawain na hindi kapaki-pakinabang sa mga tao. Malalim man o mababaw ang katotohanan, at kahit gaano man ang kakayahan ng mga tumatanggap sa katotohanan, anuman ang ginagawa ng Banal na Espiritu, kapaki-pakinabang iyon sa mga tao. Ngunit ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi maaaring gawin nang tuwiran; kailangan itong ipahayag sa pamamagitan ng mga taong nakikipagtulungan sa Kanya. Doon lamang matatamo ang mga resulta ng gawain ng Banal na Espiritu. Mangyari pa, kapag tuwirang gumagawa ang Banal na Espiritu, wala man lamang iyong bahid-dungis; ngunit kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng tao, labis iyong nadudungisan at hindi iyon ang orihinal na gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, nagbabago ang katotohanan sa magkakaibang antas. Hindi natatanggap ng mga alagad ang orihinal na layunin ng Banal na Espiritu kundi ang pinagsamang gawain ng Banal na Espiritu at ng karanasan at kaalaman ng tao. Ang bahaging natatanggap ng mga alagad na gawain ng Banal na Espiritu ay tama, samantalang ang karanasan at kaalaman ng tao na natatanggap nila ay iba-iba dahil magkakaiba ang mga manggagawa. Ang mga manggagawang may kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu ay patuloy na magkakaroon ng mga karanasan batay sa kaliwanagan at patnubay na ito. Nakapaloob sa mga karanasang ito ang magkasamang isipan at karanasan ng tao, pati na ang pagkatao ng tao, at pagkatapos, natatamo nila ang kaalaman o kabatirang dapat ay mayroon sila. Ito ang paraan ng pagsasagawa ng tao matapos maranasan ang katotohanan. Ang paraang ito ng pagsasagawa ay hindi palaging magkakapareho, dahil magkakaiba ang pagdanas ng mga tao at iba-iba ang mga bagay na nararanasan ng mga tao. Sa ganitong paraan, ang ganitong kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay nagbubunga ng iba’t ibang kaalaman at pagsasagawa, dahil magkakaiba ang mga taong tumatanggap ng kaliwanagan. Ang ilang tao ay nakakagawa ng maliliit na pagkakamali habang nagsasagawa habang ang ilan naman ay nakakagawa ng malalaking pagkakamali, at ang ilan ay puro mali ang ginagawa. Ito ay dahil magkakaiba ang kakayahang makaunawa ng mga tao at dahil magkakaiba rin ang kanilang likas na mga kakayahan. Ang ilang tao ay may isang uri ng pagkaunawa matapos marinig ang isang mensahe, at ang ilang tao naman ay may ibang pagkaunawa matapos marinig ang isang katotohanan. Lumilihis nang bahagya ang ilang tao, samantalang ni hindi man lamang nauunawaan ng ilan ang tunay na kahulugan ng katotohanan. Samakatuwid, idinidikta ng pang-unawa ng isang tao kung paano niya pamumunuan ang iba; totoo talaga ito, dahil ang gawain ng isang tao ay isang pagpapahayag lamang ng kanyang pagkatao. Ang mga taong pinamumunuan ng mga may tamang pagkaunawa sa katotohanan ay magkakaroon din ng tamang pagkaunawa sa katotohanan. Kahit may mga taong nagkakamali sa kanilang pagkaunawa, kakaunti lamang sila, at hindi lahat ay magkakaroon ng mga kamalian. Kung may mga kamalian ang isang tao sa kanyang pagkaunawa sa katotohanan, siguradong magkakamali rin ang mga sumusunod sa kanya, at ang mga taong ito ay magkakamali sa lahat ng posibleng paraan. Ang antas ng pagkaunawa ng mga alagad sa katotohanan ay lubos na nakasalalay sa mga manggagawa. Mangyari pa, ang katotohanan mula sa Diyos ay tama at walang mali, at talagang tiyak. Gayunman, hindi lubos na tama ang mga manggagawa at hindi masasabi na lubos silang maaasahan. Kung ang mga manggagawa ay may napakapraktikal na paraan sa pagsasagawa ng katotohanan, magkakaroon din ang mga alagad ng isang paraan ng pagsasagawa. Kung walang paraan ang mga manggagawa para isagawa ang katotohanan kundi mayroon lamang silang doktrina, hindi magkakaroon ng anumang realidad ang mga alagad. Ang kakayahan at likas na pagkatao ng mga alagad ay natutukoy sa pagsilang at walang kaugnayan sa mga manggagawa, ngunit ang abot ng pang-unawa ng mga alagad sa katotohanan at pagkilala sa Diyos ay nakasalalay sa mga manggagawa (ganito lamang ito para sa ilang tao). Anuman ang isang manggagawa, magkakagayon din ang mga alagad na kanyang pinamumunuan. Ang mga ipinagagawa niya sa mga sumusunod sa kanya ay yaong handa siya o kaya niyang gawin. Karamihan sa mga manggagawa ay ginagamit ang ginagawa nila mismo bilang batayan ng mga ipinagagawa nila sa kanilang mga alagad, kahit marami dito ang hindi man lamang magawa ng kanilang mga alagad—at yaong hindi magawa ng isang tao ay nagiging isang balakid sa kanyang pagpasok.

Mas kakaunti ang paglihis sa gawain ng mga nagdaan sa pagtatabas, pakikitungo, paghatol at pagkastigo, at ang pagpapahayag ng kanilang gawain ay mas lalong tumpak. Ang mga umaasa sa kanilang naturalesa sa gawain ay nakakagawa ng medyo malalaking pagkakamali. Ang gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto ay labis na nagpapahayag ng kanilang naturalesa, na nagiging isang malaking balakid sa gawain ng Banal na Espiritu. Gaano man kagaling ang kakayahan ng isang tao, kailangan din silang magdaan sa pagtatabas, pakikitungo, at paghatol bago nila magawa ang gawain ng tagubilin ng Diyos. Kung hindi pa sila dumaan sa gayong paghatol, ang kanilang gawain, gaano man kahusay ginawa, ay hindi maaaring umayon sa mga prinsipyo ng katotohanan at palaging isang produkto ng kanilang sariling naturalesa at kabutihan bilang tao. Ang gawain ng mga nagdaan na sa pagtatabas, pakikitungo, at paghatol ay mas lalong tumpak kaysa sa gawain ng mga hindi pa natabasan, napakitunguhan, at nahatulan. Yaong mga hindi pa nagdaan sa paghatol ay walang ipinapahayag kundi ang laman at mga saloobin ng tao, na may kahalong maraming katalinuhan at likas na talento ng tao. Hindi ito ang tumpak na pagpapahayag ng tao sa gawain ng Diyos. Yaong mga sumusunod sa gayong mga tao ay inihaharap sa kanila ng kanilang likas na kakayahan. Dahil napakaraming ipinapahayag ng mga ito na kabatiran at karanasan ng tao, na halos walang kaugnayan sa orihinal na layunin ng Diyos at masyadong lihis dito, ang gawain ng ganitong uri ng tao ay hindi maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos, kundi sa halip ay dinadala sila sa harap ng tao. Kaya, ang mga hindi pa dumaan sa paghatol at pagkastigo ay hindi karapat-dapat na magsagawa ng gawaing tagubilin ng Diyos. … Kung ang isang tao ay hindi pa nagawang perpekto at hindi pa natatabas o napapakitunguhan ang kanyang tiwaling disposisyon, magkakaroon ng malaking puwang sa pagitan ng kanyang ipinapahayag at ng katotohanan; ang kanyang ipinapahayag ay mahahaluan ng malalabong bagay, tulad ng kanyang imahinasyon at karanasan ng isang panig lamang. Bukod pa rito, paano man siya gumagawa, pakiramdam ng mga tao ay walang pangkalahatang layunin at walang katotohanang angkop para sa pagpasok ng lahat ng tao. Karamihan sa hinihingi sa mga tao ay hindi nila kayang gawin, na para bang mga pato sila na pinadadapo sa mga sanga. Ito ang gawain ng kagustuhan ng tao. Ang tiwaling disposisyon ng tao, kanyang mga saloobin, at kanyang mga kuru-kuro ay laganap sa lahat ng bahagi ng kanyang katawan. Ang tao ay hindi isinisilang na may likas na hilig na isagawa ang katotohanan, ni wala siyang hilig na unawain nang tuwiran ang katotohanan. Idagdag pa riyan ang tiwaling disposisyon ng tao—kapag gumagawa ang ganitong uri ng natural na tao, hindi ba ito nakakagambala? Ngunit ang isang taong nagawang perpekto ay may karanasan sa katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao, at kaalaman tungkol sa kanilang mga tiwaling disposisyon, kaya nga ang malabo at di-totoong mga bagay sa kanyang gawain ay unti-unting nababawasan, nababawasan ang mga pagkahalo ng tao, at lalo pang napapalapit ang kanyang gawain at paglilingkod sa mga pamantayang kinakailangan ng Diyos. Sa gayon, nakapasok na ang kanyang gawain sa katotohanang realidad at naging makatotohanan na rin ang kanyang gawain. Ang mga saloobin ng tao lalo na ay sagabal sa gawain ng Banal na Espiritu. Mayaman ang imahinasyon at makatwirang lohika ng tao, at nagkaroon na siya ng mahabang karanasan sa pangangasiwa sa mga kaganapan. Kung ang mga aspetong ito ng tao ay hindi dumaraan sa pagtatabas at pagwawasto, lahat ng ito ay mga balakid sa gawain. Samakatuwid, hindi maisasagawa ng gawain ng tao ang pinakamataas na antas ng katumpakan, lalo na ng gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

320. Ang gawain ng tao ay nananatili sa loob ng isang saklaw at limitado ito. Magagawa lamang ng isang tao ang gawain ng isang tiyak na yugto at hindi magagawa ang gawain ng buong kapanahunan—kung hindi, pamumunuan niya ang mga tao sa gitna ng mga panuntunan. Ang gawain ng tao ay maaari lamang umangkop sa isang partikular na panahon o yugto. Ito ay dahil ang karanasan ng tao ay mayroong saklaw. Hindi maikukumpara ng isang tao ang gawain ng tao sa gawain ng Diyos. Ang mga paraan ng pagsasagawa ng tao at ang kanyang kaalaman tungkol sa katotohanan ay angkop lahat sa isang partikular na saklaw. Hindi mo masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay ganap na kalooban ng Banal na Espiritu, dahil maaari lamang liwanagan ng Banal na Espiritu ang tao, at hindi maaaring ganap na mapuspos ng Banal na Espiritu. Lahat ng bagay na maaaring maranasan ng tao ay nasa saklaw ng normal na pagkatao at hindi maaaring lumampas sa saklaw ng mga saloobin ng normal na tao. Lahat ng makapagsasabuhay ng katotohanang realidad ay dumaranas sa loob ng saklaw na ito. Kapag nararanasan nila ang katotohanan, palagi itong isang karanasan sa normal na buhay ng tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu; hindi ito isang paraan ng pagdanas na lihis sa normal na buhay ng tao. Nararanasan nila ang katotohanang niliwanagan ng Banal na Espiritu sa pundasyon ng kanilang pamumuhay bilang tao. Bukod pa rito, ang ganitong katotohanan ay iba-iba sa bawat tao, at ang lalim nito ay nauugnay sa kalagayan ng tao. Masasabi lamang ng isang tao na ang landas na kanilang tinatahak ay ang normal na buhay ng isang taong naghahanap sa katotohanan, at maaari itong tawaging landas na tinahak ng isang normal na tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu. Hindi niya masasabi na ang landas na kanilang tinatahak ay ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Sa normal na karanasan ng tao, dahil hindi pare-pareho ang mga taong naghahanap, hindi rin pare-pareho ang gawain ng Banal na Espiritu. Dagdag pa rito, dahil hindi pare-pareho ang mga sitwasyong nararanasan ng mga tao at ang mga saklaw ng kanilang karanasan, at dahil magkakahalo ang kanilang isipan at mga saloobin, halu-halo ang kanilang karanasan sa iba’t ibang antas. Nauunawaan ng bawat tao ang katotohanan ayon sa kanilang iba’t ibang indibiduwal na kundisyon. Ang pagkaunawa nila sa tunay na kahulugan ng katotohanan ay hindi ganap at iisa o ilang aspeto lamang nito. Ang saklaw ng katotohanang nararanasan ng tao ay nagkakaiba sa bawat tao ayon sa mga kundisyon ng bawat tao. Sa ganitong paraan, ang kaalaman tungkol sa iisang katotohanan, ayon sa ipinahayag ng iba’t ibang tao, ay hindi pare-pareho. Ibig sabihin, ang karanasan ng tao ay laging may mga limitasyon at hindi maaaring lubos na kumatawan sa kalooban ng Banal na Espiritu, ni hindi mahihiwatigan ang gawain ng tao bilang gawain ng Diyos, kahit lubhang nakaayon ang ipinahayag ng tao sa kalooban ng Diyos, at kahit napakalapit ng karanasan ng tao sa pagpeperpektong isinasagawa ng Banal na Espiritu. Maaari lamang maging lingkod ng Diyos ang tao, na ginagawa ang gawaing ipinagkakatiwala sa kanya ng Diyos. Maaari lamang ipahayag ng tao ang kaalamang niliwanagan ng Banal na Espiritu at ang mga katotohanang natamo mula sa kanyang mga personal na karanasan. Ang tao ay hindi karapat-dapat at hindi tumutugon sa mga kundisyon upang maging daluyan ng Banal na Espiritu. Wala siyang karapatang magsabi na ang kanyang gawain ay gawain ng Diyos. Ang tao ay may mga prinsipyo ng tao sa paggawa, at lahat ng tao ay may iba’t ibang karanasan at iba-iba ang mga kundisyon. Kasama sa gawain ng tao ang lahat ng karanasan niya sa ilalim ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga karanasang ito ay maaari lamang kumatawan sa katauhan ng tao at hindi kumakatawan sa katauhan ng Diyos o sa kalooban ng Banal na Espiritu. Samakatuwid, hindi masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay ang landas na tinahak ng Banal na Espiritu, dahil ang gawain ng tao ay hindi maaaring kumatawan sa gawain ng Diyos, at ang gawain ng tao at karanasan ng tao ay hindi ang ganap na kalooban ng Banal na Espiritu. Ang gawain ng tao ay madaling bumagsak sa mga panuntunan, at ang pamamaraan ng kanyang gawain ay madaling malimitahan ang saklaw, at hindi nagagawang akayin ang mga tao sa isang malayang daan. Karamihan sa mga alagad ay namumuhay sa loob ng isang limitadong saklaw, at ang paraan ng kanilang pagdanas ay limitado rin ang saklaw. Palaging limitado ang karanasan ng tao; ang pamamaraan ng kanyang gawain ay limitado rin sa iilang uri at hindi maikukumpara sa gawain ng Banal na Espiritu o sa gawain ng Diyos Mismo. Ito ay dahil ang karanasan ng tao, sa huli, ay limitado. Paano man gawin ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi ito limitado ng mga panuntunan; paano man ito ginagawa, hindi ito limitado sa iisang pamamaraan. Walang anumang mga panuntunan sa gawain ng Diyos—lahat ng Kanyang gawain ay pinawalan at malaya. Gaano man karaming panahon ang ginugugol ng tao sa pagsunod sa Kanya, hindi niya mahahati sa maliliit na bahagi ang anumang mga batas na namamahala sa mga paraan ng paggawa ng Diyos. Bagama’t may prinsipyo ang Kanyang gawain, lagi itong ginagawa sa mga bagong paraan at laging may mga bagong nangyayari, at hindi ito kayang abutin ng tao. Sa iisang panahon, maaaring may ilang iba’t-ibang uri ng gawain at iba’t ibang paraan ang Diyos sa pamumuno sa mga tao, kaya laging may mga bagong pagpasok at pagbabago ang mga tao. Hindi mo mahihiwatigan ang mga batas ng Kanyang gawain dahil palagi Siyang gumagawa sa mga bagong paraan, at sa gayong paraan lamang hindi nalilimitahan ng mga panuntunan ang mga alagad ng Diyos. Ang gawain ng Diyos Mismo ay laging iniiwasan ang mga kuru-kuro ng mga tao at sinasalungat ang mga ito. Yaon lamang mga sumusunod at humahabol sa Kanya nang may tapat na puso ang maaaring mabago ang kanilang mga disposisyon at magagawang mamuhay nang malaya, nang hindi sumasailalim sa anumang mga panuntunan o napipigilan ng anumang mga relihiyosong kuru-kuro. Ang gawain ng tao ay maraming hinihiling sa mga tao batay sa kanyang sariling karanasan at kung ano ang maaari niya mismong makamtan. Ang pamantayan ng ganitong mga kinakailangan ay limitado sa loob ng isang tiyak na saklaw, at napakalimitado rin ng mga pamamaraan ng pagsasagawa. Sa gayon ay hindi namamalayan ng mga alagad na namumuhay sila sa limitadong saklaw na ito; sa paglipas ng panahon, nagiging mga panuntunan at ritwal ang mga bagay na ito. Kung ang gawain ng isang panahon ay pinamunuan ng isang taong hindi pa dumaan sa personal na pagpeperpekto ng Diyos at hindi pa nakatanggap ng paghatol, lahat ng kanyang alagad ay magiging relihiyoso at eksperto sa paglaban sa Diyos. Samakatuwid, kung may isang karapat-dapat na pinuno, maaaring nagdaan na ang taong iyon sa paghatol at tumanggap na ng pagpeperpekto. Yaong mga hindi pa dumaan sa paghatol, kahit maaaring mayroon silang gawain ng Banal na Espiritu, ay malabo at hindi-totoong mga bagay lamang ang ipinapahayag. Sa paglipas ng panahon, aakayin nila ang mga tao tungo sa malabo at higit-sa-karaniwang mga panuntunan. Ang gawaing ginagampanan ng Diyos ay hindi umaayon sa laman ng tao. Hindi iyon naaayon sa mga saloobin ng tao, kundi sumasalungat sa mga kuru-kuro ng tao; hindi ito nabahiran ng malalabong kulay ng relihiyon. Ang mga resulta ng gawain ng Diyos ay hindi maisasagawa ng isang taong hindi Niya nagawang perpekto; hindi iyon kayang abutin ng pag-iisip ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

321. Ang gawain sa isip ng tao ay napakadaling makamit ng tao. Ang mga pastor at pinuno sa relihiyosong mundo, halimbawa, ay umaasa sa kanilang mga kaloob at katungkulan upang gawin ang kanilang gawain. Ang mga taong sumusunod sa kanila sa loob ng mahabang panahon ay mahahawa sa kanilang mga kaloob at maiimpluwensyahan ng ilan sa kanilang katauhan. Nakatuon sila sa mga kaloob, kakayahan, at kaalaman ng mga tao, at nagbibigay-pansin sa higit-sa-karaniwang mga bagay at sa maraming malalim at di-makatotohanang doktrina (mangyari pa, ang malalalim na doktrinang ito ay hindi matatamo). Hindi sila nagtutuon sa mga pagbabago sa disposisyon ng mga tao, kundi sa halip ay sa pagsasanay sa mga tao na mangaral at gumawa, na nakakaragdag sa kaalaman ng mga tao at sa kanilang saganang mga relihiyosong doktrina. Hindi sila nagtutuon sa kung gaano nagbago ang disposisyon ng mga tao ni kung gaano nauunawaan ng mga tao ang katotohanan. Hindi sila nagmamalasakit sa diwa ng mga tao, at lalo nang hindi nila sinusubukang alamin ang normal at abnormal na mga kalagayan ng mga tao. Hindi nila sinasalungat ang mga kuru-kuro ng mga tao, ni hindi nila ibinubunyag ang kanilang mga kuru-kuro, lalong hindi nila tinatabasan ang mga tao sa kanilang mga kakulangan o mga katiwalian. Karamihan sa mga sumusunod sa kanila ay naglilingkod gamit ang kanilang mga kaloob, at ang tanging inilalabas nila ay mga relihiyosong kuru-kuro at mga teoryang teolohikal, na hindi makatotohanan at ganap na hindi nagbibigay-buhay sa mga tao. Sa katunayan, ang diwa ng kanilang gawain ay pangangalaga sa talento, pangangalaga sa isang tao na walang kahit ano tungo sa pagtatapos sa seminaryo na taglay ang maraming talento na paglaon ay humahayo upang gumawa at mamuno. May nahihiwatigan ka bang anumang mga batas sa anim na libong taon ng gawain ng Diyos? Maraming panuntunan at pagbabawal sa gawaing ginagawa ng tao, at masyadong dogmatiko ang utak ng tao. Sa gayon, ang ipinapahayag ng tao ay kaalaman at pagkatanto na nasa loob ng saklaw ng kanyang mga karanasan. Hindi magawang ipahayag ng tao ang anuman bukod dito. Ang mga karanasan at kaalaman ng tao ay hindi nanggagaling sa kanyang likas na mga kaloob o kanyang likas na ugali; lumalabas ang mga ito dahil sa patnubay at tuwirang pag-akay ng Diyos. Mayroon lamang kakayahan ang tao na tanggapin ang pag-akay na ito at walang kakayahan na maaaring tuwirang ipahayag kung ano ang pagka-Diyos. Hindi kaya ng tao na maging bukal; maaari lamang siyang maging isang sisidlan na tumatanggap ng tubig mula sa bukal. Ito ang likas na ugali ng tao, ang kakayahang dapat taglayin ng isang tao bilang tao. Kung mawala sa isang tao ang kakayahang tumatanggap sa salita ng Diyos at mawala ang likas na ugali ng tao, mawawala rin sa taong iyon ang pinakamahalaga, at mawawala ang tungkulin ng taong nilikha. Kung ang isang tao ay walang kaalaman o karanasan sa salita ng Diyos o sa Kanyang gawain, mawawala sa taong iyon ang kanyang tungkulin, ang tungkuling dapat niyang gampanan bilang isang nilikha, at mawawala ang dangal ng isang nilikha. Likas na ugali ng Diyos na ipahayag kung ano ang pagka-Diyos, ipinapahayag man ito sa katawang-tao o nang tuwiran sa pamamagitan ng Espiritu; ito ang ministeryo ng Diyos. Ipinapahayag ng tao ang kanyang sariling mga karanasan o kaalaman (ibig sabihin, ipinapahayag niya kung ano siya) sa panahon ng gawain ng Diyos o pagkatapos; ito ang likas na ugali at tungkulin ng tao, ito ang dapat isagawa ng tao. Bagama’t ang pagpapahayag ng tao ay malayung-malayo sa ipinapahayag ng Diyos, at bagama’t saklaw ng maraming panuntunan ang pagpapahayag ng tao, kailangang gampanan ng tao ang tungkuling dapat niyang gampanan at gawin ang kailangan niyang gawin. Dapat gawin ng tao ang lahat ng posibleng gawin ng tao upang magampanan ang kanyang tungkulin, at dapat ay wala siya ni katiting na pag-aatubili.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

322. Ang ibang tao ay magtatanong, “Ano ang pagkakaiba ng gawaing isinagawa ng nagkatawang-taong Diyos sa gawain ng mga propeta at mga apostol noon? Si David ay tinawag din na Panginoon, gayundin si Jesus; bagaman magkaiba ang gawaing kanilang isinagawa, magkatulad ang itinawag sa kanila. Sabihin mo sa akin, bakit magkaiba ang kanilang pagkakakilanlan? Ang nasaksihan ni Juan ay isang pangitain, na nagmula rin sa Banal na Espiritu, at nasabi niya ang mga salitang balak sabihin ng Banal na Espiritu; bakit magkaiba ang pagkakakilanlan ni Juan at ni Jesus?” Ang mga salitang sinabi ni Jesus ay nagawang ganap na kumatawan sa Diyos, at ganap na kumatawan sa gawain ng Diyos. Ang nakita ni Juan ay isang pangitain, at wala siyang kakayahan na ganap na kumatawan sa gawain ng Diyos. Bakit nagpahayag ng maraming salita sina Juan, Pedro, at Pablo, gaya ni Jesus, ngunit hindi pareho ang pagkakakilanlan nila kay Jesus? Ito ay pangunahing dahil ang gawaing kanilang ginawa ay magkaiba. Kinatawan ni Jesus ang Espiritu ng Diyos at Siya ang Espiritu ng Diyos na direktang gumagawa. Ginawa Niya ang gawain ng bagong kapanahunan, ang gawain na wala pang nakagagawa. Nagbukas Siya ng bagong daan, kinatawan Niya si Jehova, at kinatawan Niya ang Diyos Mismo. Samantalang sina Pedro, Pablo, at David, anuman ang tawag sa kanila, ay kinatawan lamang ang pagkakakilanlan ng isang nilalang ng Diyos, at ipinadala ni Jesus o ni Jehova. Kaya gaano man karami ang gawaing kanilang isinagawa, gaano man kadakila ang mga himalang kanilang ginawa, sila pa rin ay mga nilalang lamang ng Diyos, at walang kakayahang kumatawan sa Espiritu ng Diyos. Sila ay gumawa sa ngalan ng Diyos o matapos ipadala ng Diyos; higit pa rito, sila ay gumawa sa mga kapanahunang sinimulan ni Jesus o ni Jehova, at hindi sila gumawa ng iba pang gawain. Sila ay, matapos ang lahat, mga nilalang lamang ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan

323. Sa Kapanahunan ng Biyaya, sumambit din si Jesus ng maraming salita at gumawa ng maraming gawain. Paano Siya naiba kay Isaias? Paano Siya naiba kay Daniel? Isa ba Siyang propeta? Bakit sinasabi na Siya si Cristo? Ano ang mga pagkakaiba sa pagitan nila? Sila ay pawang mga taong sumambit ng mga salita, at ang kanilang mga salita humigit-kumulang ay mukhang magkakapareho sa tao. Lahat sila ay sumambit ng mga salita at gumawa ng gawain. Ang mga propeta ng Lumang Tipan ay sumambit ng mga propesiya, at gayundin, kaya iyon ni Jesus. Bakit ganito? Ang pagkakaiba rito ay batay sa likas na katangian ng gawain. Para mahiwatigan ang bagay na ito, huwag mong isaalang-alang ang likas na katangian ng laman, ni hindi mo dapat isaalang-alang ang kalaliman o kababawan ng kanilang mga salita. Kailangan mo palaging isaalang-alang muna ang kanilang gawain at ang mga epekto ng kanilang gawain sa tao. Ang mga propesiyang sinambit ng mga propeta sa panahong iyon ay hindi tinustusan ang buhay ng tao, at ang mga inspirasyong tinanggap ng mga katulad nina Isaias at Daniel ay mga propesiya lamang, at hindi ang daan ng buhay. Kung hindi dahil sa tuwirang paghahayag ni Jehova, walang sinumang makagagawa ng gawaing iyon, na hindi posible para sa mga mortal. Sumambit din si Jesus ng maraming salita, ngunit ang gayong mga salita ay ang daan ng buhay kung saan makasusumpong ang tao ng isang landas ng pagsasagawa. Ibig sabihin, una, maaari Niyang tustusan ang buhay ng tao, sapagkat si Jesus ang buhay; pangalawa, maaari Niyang baligtarin ang mga paglihis ng tao; pangatlo, ang Kanyang gawain ay maaaring sumunod sa gawain ni Jehova para ipagpatuloy ang kapanahunan; pang-apat, maaari Niyang maintindihan ang mga pangangailangan sa kalooban ng tao at maunawaan kung ano ang kulang sa tao; panlima, maaari Niyang pasimulan ang isang bagong kapanahunan at wakasan ang dati. Kaya nga Siya tinatawag na Diyos at Cristo; hindi lamang Siya iba kay Isaias kundi maging sa lahat ng iba pang mga propeta. Ikumpara natin si Isaias para sa gawain ng mga propeta. Una, hindi niya kayang tustusan ang buhay ng tao; pangalawa, hindi niya kayang magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Gumagawa siya noon sa ilalim ng pamumuno ni Jehova at hindi para magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Pangatlo, ang mga salitang kanyang sinambit ay higit pa sa kaya niyang sambitin. Tuwiran siyang tumatanggap noon ng mga paghahayag mula sa Espiritu ng Diyos, at hindi ito mauunawaan ng iba, kahit napakinggan nila ang mga ito. Ang ilang bagay na ito lamang ay sapat na upang patunayan na ang kanyang mga salita ay mga propesiya lamang, isang aspeto lamang ng gawaing ginawa sa ngalan ni Jehova. Gayunman, hindi niya kayang lubos na katawanin si Jehova. Siya ay lingkod ni Jehova, isang kasangkapan sa gawain ni Jehova. Ginagawa lamang niya ang gawain sa loob ng Kapanahunan ng Kautusan at sa loob ng saklaw ng gawain ni Jehova; hindi siya gumawa nang lampas pa sa Kapanahunan ng Kautusan. Bagkus, iba ang gawain ni Jesus. Nilagpasan Niya ang saklaw ng gawain ni Jehova; gumawa Siya bilang Diyos na nagkatawang-tao at ipinako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Ibig sabihin, nagsagawa Siya ng bagong gawaing bukod sa gawaing ginawa ni Jehova. Ito ang pagpapasimula ng isang bagong kapanahunan. Dagdag pa rito, nagawa Niyang banggitin yaong hindi kayang makamtan ng tao. Ang Kanyang gawain ay gawain sa loob ng pamamahala ng Diyos at sakop ang buong sangkatauhan. Hindi Siya gumawa sa iilang tao lamang, ni hindi layon ng Kanyang gawain na pamunuan ang limitadong bilang ng mga tao. Hinggil sa kung paano nagkatawang-tao ang Diyos bilang isang tao, paano nagbigay ng mga paghahayag ang Espiritu sa panahong iyon, at paano bumaba ang Espiritu sa isang tao upang gumawa ng gawain—ito ay mga bagay na hindi nakikita o nahihipo ng tao. Lubos na imposibleng magsilbing patunay ang mga katotohanang ito na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao. Sa gayon, ang pagkakaiba ay makikita lamang sa mga salita at gawain ng Diyos, na nahihipo ng tao. Ito lamang ang totoo. Ito ay dahil ang mga bagay ng Espiritu ay hindi mo nakikita at malinaw lamang na nalalaman ng Diyos Mismo, at kahit ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay hindi alam ang lahat; mapapatunayan mo lamang kung Siya ang Diyos mula sa gawaing Kanyang nagawa. Mula sa Kanyang gawain, makikita na, una, nagagawa Niyang magbukas ng isang bagong kapanahunan; pangalawa, nagagawa Niyang tustusan ang buhay ng tao at ipakita sa tao ang daang susundan. Sapat na ito upang mapagtibay na Siya ang Diyos Mismo. Kahit paano, ang gawaing Kanyang ginagawa ay kayang lubos na katawanin ang Espiritu ng Diyos, at mula sa gawaing iyon ay makikita na ang Espiritu ng Diyos ay nasa loob Niya. Dahil ang gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao una sa lahat ay para magpasimula ng isang bagong kapanahunan, mamahala sa bagong gawain, at magbukas ng isang bagong kaharian, ang mga ito lamang ay sapat na upang magpatunay na Siya ang Diyos Mismo. Sa gayon ay ipinapakita nito ang kaibhan Niya kina Isaias, Daniel, at iba pang dakilang mga propeta.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

324. Sa Kapanahunan ng Biyaya, inihanda ni Juan ang daan para kay Jesus. Hindi kayang gawin ni Juan ang gawain ng Diyos Mismo kundi tinupad lamang ang tungkulin ng tao. Kahit si Juan ang tagapagpauna ng Panginoon, hindi niya kayang katawanin ang Diyos; isa lamang siyang tao na ginamit ng Banal na Espiritu. Kasunod ng bautismo ni Jesus, ang Banal na Espiritu ay bumaba sa Kanya tulad ng isang kalapati. Pagkatapos, sinimulan na Niya ang Kanyang gawain, iyon ay, sinimulan Niyang isagawa ang ministeryo ni Cristo. Iyon ang dahilan kung bakit ginamit Niya ang pagkakakilanlan ng Diyos, sapagkat Siya ay nagmula sa Diyos. Paano man ang Kanyang pananampalataya bago ito—marahil kung minsan ito ay mahina, o kung minsan ito ay malakas—iyon lamang ang Kanyang normal na buhay bilang tao bago Niya ginawa ang Kanyang ministeryo. Pagkatapos Siyang bautismuhan (ibig sabihin, pahiran), agad Siyang nagkaroon ng kapangyarihan at ng kaluwalhatian ng Diyos, at sa gayon ay nagsimulang ganapin ang Kanyang ministeryo. Kaya Niyang gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan, gumawa ng mga himala, at mayroon Siyang kapangyarihan at awtoridad, sapagkat Siya ay gumagawa nang direkta sa ngalan ng Diyos Mismo; ginagawa Niya ang gawain ng Espiritu na kahalili Niya at ipinapahayag ang tinig ng Espiritu. Samakatuwid, Siya ang Diyos Mismo. Hindi ito mapag-aalinlanganan. Ginamit si Juan ng Banal na Espiritu. Hindi niya kayang katawanin ang Diyos, at hindi rin posible para sa kanya na kumatawan sa Diyos. Kung naisin niya na gawin ito, hindi ito papayagan ng Banal na Espiritu, sapagkat hindi niya kayang gawin ang gawain na nilayon ng Diyos Mismo na isakatuparan. Marahil marami sa kanya ang kalooban ng tao, o may bagay sa kanyang lihis; hindi niya kailanman maaaring direktang katawanin ang Diyos. Kinakatawan lamang ng kanyang mga pagkakamali at pagiging katawa-tawa ang sarili niya, ngunit kinakatawan ng kanyang gawain ang Banal na Espiritu. Gayunpaman, hindi mo maaaring sabihing kinakatawan ng lahat sa kanya ang Diyos. Kaya ba ng kanyang paglihis at kalisyaan na katawanin din ang Diyos? Normal sa kumakatawan sa tao na maging mali, ngunit kung nagkaroon siya ng paglihis sa pagkatawan sa Diyos, hindi ba iyan sisira sa puri ng Diyos? Hindi ba iyan kalapastanganan laban sa Banal na Espiritu? Hindi basta pinapahintulutan ng Banal na Espiritu ang tao na tumayo sa lugar ng Diyos, kahit na dinadakila siya ng iba. Kung hindi siya ang Diyos, hindi niya magagawang manatiling nakatayo sa katapusan. Hindi pinapahintulutan ng Banal na Espiritu ang tao na kumatawan sa Diyos ayon sa pagnanais ng tao! Halimbawa, nagpatotoo kay Juan ang Banal na Espiritu, at ibinunyag din na siya ang maghahanda ng daan para kay Jesus, ngunit mahusay na sinukat ng Banal na Espiritu ang gawain na ginawa sa kanya. Ang tanging hiningi kay Juan ay ang maging tagahanda ng daan para kay Jesus, ang ihanda ang daan para sa Kanya. Ibig sabihin, itinaguyod lamang ng Banal na Espiritu ang kanyang gawain sa paghahanda ng daan at pinahintulutan lamang siya na gawin ang ganoong gawain—hindi siya pinahintulutang gumawa ng iba pang gawain. Kinatawan ni Juan si Elias, at kinatawan niya ang isang propeta na naghanda ng daan. Itinaguyod siya rito ng Banal na Espiritu; hangga’t ang kanyang gawain ay ang ihanda ang daan, itinaguyod siya ng Banal na Espiritu. Subalit, kung sinabi niyang siya ang Diyos Mismo at sinabing dumating siya upang tapusin ang gawain ng pagtubos, kinailangan sana siyang disiplinahin ng Banal na Espiritu. Gaano man kahusay ang gawain ni Juan, at itinaguyod man ito ng Banal na Espiritu, mayroong mga hangganan ang kanyang gawain. Ang kanyang gawain ay totoong itinaguyod ng Banal na Espiritu, ngunit limitado sa paghahanda ng daan ang kapangyarihan na ibinigay sa kanya sa oras na iyon. Hindi niya maaaring gawin, sa anumang paraan, ang anumang iba pang gawain, dahil siya lamang ay si Juan na naghanda ng daan, at hindi si Jesus. Samakatuwid, susi ang patotoo ng Banal na Espiritu, ngunit mas mahalaga pa ang gawain na pinapahintulutan ng Banal na Espiritu na gawin ng tao. Hindi ba’t nakatanggap si Juan ng matunog na patotoo noong panahong iyon? Hindi ba’t dakila rin ang kanyang gawain? Ngunit hindi malalampasan ng gawain na kanyang ginawa yaong kay Jesus, sapagkat siya ay isang tao lamang na ginamit ng Banal na Espiritu at hindi maaaring tuwirang kumatawan sa Diyos, at kaya ang gawain na kanyang ginawa ay limitado. Pagkaraan niyang matapos ang paghahanda ng daan, hindi na itinaguyod ng Banal na Espiritu ang kanyang patotoo, walang bagong gawain ang sumunod sa kanya, at siya ay umalis habang ang gawain ng Diyos Mismo ay nagsisimula.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 1

325. Kahit na sinabi rin ni Juan, “Mangagsisi kayo; sapagkat malapit na ang kaharian ng langit,” at nangaral din siya ng ebanghelyo ng kaharian ng langit, ang kanyang gawain ay hindi na pinaunlad pa at bumuo lamang ng simulain. Sa kaibhan, inihatid ni Jesus ang isang bagong kapanahunan at dinala rin ang lumang kapanahunan sa katapusan, ngunit tinupad din Niya ang kautusan ng Lumang Tipan. Mas dakila ang gawain na ginawa Niya kaysa kay Juan, at bukod pa rito, pumarito Siya upang tubusin ang buong sangkatauhan—ginawa Niya ang yugto ng gawain na iyan. Naghanda lamang ng daan si Juan. Kahit na dakila ang kanyang gawain, marami siyang salita, at maraming alagad ang sumunod sa kanya, walang higit na ibinunga ang kanyang gawain kundi dalhin ang isang bagong simula sa tao. Hindi kailanman nakatanggap mula sa kanya ang tao ng buhay, ng daan, o malalalim na katotohanan, at wala rin silang nakamit na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan niya. Si Juan ay isang dakilang propeta (Elias) na nagpasimuno ng bagong batayan para sa gawain ni Jesus at inihanda ang mga hinirang; siya ang tagapagpauna ng Kapanahunan ng Biyaya. Hindi makikilala ang ganitong mga bagay sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa kanilang mga normal na anyong tao. Lalo na dahil gumawa rin ng ilang mahusay na gawain si Juan at, higit pa rito, ipinanganak siya sa pamamagitan ng pangako ng Banal na Espiritu, at itinaguyod ng Banal na Espiritu ang kanyang gawain. Dahil dito, ang pagtukoy sa pagkakaiba ng kanilang mga sariling pagkakakilanlan ay maaari lamang magawa sa pamamagitan ng kanilang gawain, sapagkat hindi masasabi sa panlabas na anyo ng isang tao ang kanyang diwa, at hindi rin kaya ng tao na alamin ang tunay na patotoo ng Banal na Espiritu. Ang gawain na ginawa ni Juan at ang ginawa ni Jesus ay hindi magkatulad at magkaiba ng kalikasan. Dito matutukoy kung Diyos ba si Juan o hindi. Ang gawain ni Jesus ay ang magsimula, magpatuloy, tumapos, at tumupad. Isinagawa ni Jesus ang bawat isa sa mga hakbang na ito, samantalang ang gawain ni Juan ay hindi hihigit sa pagsisimula. Sa simula, ipinalaganap ni Jesus ang ebanghelyo at ipinangaral ang daan ng pagsisisi, pagkatapos ay nagbautismo ng tao, nagpagaling ng mga maysakit, at nagpalayas ng mga demonyo. Sa katapusan, tinubos Niya ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kinumpleto ang Kanyang gawain para sa buong kapanahunan. Nangaral din Siya sa tao at nagpalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng langit sa lahat ng lugar. Ito ay pareho kay Juan, na ang pagkakaiba ay dahil naghatid si Jesus ng isang bagong kapanahunan at nagdala sa tao ng Kapanahunan ng Biyaya. Lumabas mula sa Kanyang bibig ang salita tungkol sa dapat isagawa ng tao at ang daan na dapat sundan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya, at sa katapusan, tinapos Niya ang gawain ng pagtubos. Hindi kailanman maisasagawa ni Juan ang gayong gawain. At sa gayon, si Jesus ang gumawa ng gawain ng Diyos Mismo, at Siya ang Diyos Mismo at direktang kumakatawan sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 1

326. Nang magsalita at gumawa ang mga propeta at ang mga taong iyon na kinasangkapan ng Banal na Espiritu, iyon ay upang isagawa ang mga tungkulin ng tao, upang maglingkod sa tungkulin ng isang nilalang, at iyon ay isang bagay na kailangang gawin ng tao. Gayunman, ang mga salita at gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang isakatuparan ang Kanyang ministeryo. Bagama’t ang Kanyang panlabas na anyo ay sa isang nilalang, ang Kanyang gawain ay hindi upang isagawa ang Kanyang tungkulin kundi ang Kanyang ministeryo. Ang katagang “tungkulin” ay ginagamit patungkol sa mga nilalang, samantalang ang “ministeryo” ay ginagamit patungkol sa laman ng Diyos na nagkatawang-tao. May isang mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng dalawa; hindi sila maaaring pagpalitin. Ang gawain ng tao ay gawin lamang ang kanyang tungkulin, samantalang ang gawain ng Diyos ay mamahala, at isakatuparan ang Kanyang ministeryo. Samakatuwid, bagama’t maraming apostol ang kinasangkapan ng Banal na Espiritu at maraming propeta ang napuspos sa Kanya, ang kanilang gawain at mga salita ay para lamang gampanan ang kanilang tungkulin bilang mga nilalang. Ang kanilang mga propesiya ay maaaring higit pa sa daan ng buhay na binanggit ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang kanilang pagkatao ay maaaring higit pa kaysa sa Diyos na nagkatawang-tao, ngunit ginawa pa rin nila ang kanilang tungkulin, at hindi sila nagsagawa ng isang ministeryo. Ang tungkulin ng tao ay tumutukoy sa tungkulin ng tao; iyon ang kayang makamtan ng tao. Gayunman, ang ministeryong isinagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay may kaugnayan sa Kanyang pamamahala, at hindi ito kayang makamtan ng tao. Nagsasalita man ang Diyos na nagkatawang-tao, gumagawa, o nagpapakita ng mga himala, gumagawa Siya ng dakilang gawain sa gitna ng Kanyang pamamahala, at ang gayong gawain ay hindi magagawa ng tao bilang kahalili Niya. Ang gawain ng tao ay ang gawin lamang ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang sa isang partikular na yugto ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Kung wala ang pamamahala ng Diyos, ibig sabihin, kung mawawala ang ministeryo ng Diyos na nagkatawang-tao, mawawala rin ang tungkulin ng isang nilalang. Ang gawain ng Diyos sa pagsasakatuparan ng Kanyang ministeryo ay ang pamahalaan ang tao, samantalang ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ay pagtupad sa kanyang sariling obligasyon na tugunan ang mga hinihiling ng Lumikha, at hindi maituturing sa anumang paraan na pagsasagawa ng ministeryo ng isang tao. Sa likas na diwa ng Diyos—sa Kanyang Espiritu—ang gawain ng Diyos ay ang Kanyang pamamahala, ngunit sa Diyos na nagkatawang-tao, na suot ang panlabas na anyo ng isang nilalang, ang Kanyang gawain ay ang pagsasagawa ng Kanyang ministeryo. Anumang gawain ang Kanyang ginagawa ay upang isagawa ang Kanyang ministeryo; ang tanging magagawa ng tao ay gawin ang kanyang makakaya sa loob ng saklaw ng pamamahala ng Diyos at sa ilalim ng Kanyang patnubay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

327. Anuman ang mangyari, ang gawain ng Diyos ay iba sa gawain ng tao at, higit pa rito, paano magiging katulad ang Kanyang mga pagpapahayag doon sa kanila? May Kanyang sariling partikular na disposisyon ang Diyos, samantalang ang tao ay may mga tungkuling dapat nilang gampanan. Ipinapahayag ang disposisyon ng Diyos sa Kanyang gawain, samantalang ang tungkulin ng tao ay isinasakatawan sa mga karanasan ng tao at ipinapahayag sa mga paghahabol ng tao. Kung gayon nakikita ito sa pamamagitan ng mga gawaing ginagawa kung ang isang bagay ay pagpapahayag ng Diyos o pagpapahayag ng tao. Hindi kinakailangang maipaliwanag ito ng Diyos Mismo, ni hinihingi nito na magsikap ang tao na magpatotoo; higit pa rito, hindi nito kinakailangan ang Diyos Mismo para supilin ang sinumang tao. Dumarating ang lahat ng ito bilang isang natural na paghahayag; hindi ito pinipilit ni isang bagay na napapakialaman ng tao. Nalalaman ang tungkulin ng tao sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan, at hindi ito nangangailangan na gumawa ang mga tao ng anumang ekstrang gawaing pang-karanasan. Naihahayag ang buong esensya ng tao habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, samantalang naipapahayag ng Diyos ang Kanyang likas na disposisyon habang ginagampanan ang Kanyang gawain. Kung ito ay gawain ng tao, hindi ito matatakpan. Kung ito ay gawain ng Diyos, mas imposibleng matakpan ng sinuman ang disposisyon ng Diyos, at lalo pang hindi makokontrol ng tao. Walang tao na maituturing na Diyos, ni maituturing ang kanilang gawain at mga salita bilang banal o maituturing na hindi nababago. Maaaring masabi na tao ang Diyos dahil binihisan Niya ang Sarili Niya ng laman, nguni’t hindi maituturing ang gawain Niya bilang gawain ng tao o tungkulin ng tao. Higit pa rito, ang mga pagbigkas ng Diyos at mga sulat ni Pablo ay hindi napagpapantay, ni napapatungkulan ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at ang mga salita ng tagubilin ng tao sa magkakaparehong kataga. Kung gayon, may mga panuntunan na nagsasabi ng kaibahan ng gawain ng Diyos sa gawain ng tao. Makikita ang mga pagkakaiba nito ayon sa diwa ng mga ito, hindi sa saklaw ng gawain o pansamantalang bisa nito. Sa paksang ito, nagkakamali ang karamihan sa mga tao tungkol sa panuntunan. Ito ay sa kadahilanang tumitingin ang tao sa panlabas, na nakakamit nila, samantalang tumitingin ang Diyos sa diwa, na hindi namamasdan ng pisikal na mga mata ng sangkatauhan. Kung itinuturing mo ang mga salita at gawain ng Diyos bilang mga tungkulin ng karaniwang tao, at tinitingnan ang malaking gawain ng tao bilang gawain ng Diyos na nakabihis ng katawang-tao sa halip na tungkuling tinutupad ng tao, hindi ka kaya nagkakamali sa panuntunan? Ang mga sulat at mga talambuhay ng tao ay madaling naisusulat, nguni’t tanging sa saligan lamang ng gawain ng Banal na Espiritu. Gayunpaman, ang mga pagbigkas at gawain ng Diyos ay hindi madaling natutupad ng tao o nakakamit ng karunungan at pag-iisip ng tao, ni naipapaliwanag ang mga ito nang lubos ng mga tao matapos itong siyasatin. Kung ang mga bagay na ito ng panuntunan ay hindi nagbubunsod ng anumang pagtugon sa inyo, kung gayon ang inyong pananampalataya ay kitang hindi tapat o pino. Masasabi lamang na ang inyong pananampalataya ay puno ng kalabuan, at magulo rin at walang panuntunan. Nang hindi man lang nauunawaan ang pinakapangunahin at mahalagang usapin tungkol sa Diyos at tao, ang ganitong uri ba ng pananampalataya ay hindi yaong lubos na walang kabatiran?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Paniniwala Mo sa Labintatlong Sulat ni Pablo?

328. Dapat ninyong malaman kung paano alamin ang pagkakaiba ng gawain ng Diyos sa gawain ng tao. Ano ang makikita mo sa gawain ng tao? Napakaraming elemento ng karanasan ng tao sa kanyang gawain; kung ano ang ipinapahayag ng tao ay kung ano siya. Ang sariling gawain ng Diyos ay nagpapahayag din kung ano Siya, ngunit ang Kanyang katauhan ay naiiba sa tao. Ang katauhan ng tao ay kumakatawan sa karanasan at buhay ng tao (kung ano ang nararanasan o kinakaharap ng tao sa kanyang buhay, o ang kanyang mga pilosopiya sa pamumuhay), at ang mga taong namumuhay sa iba’t ibang sitwasyon ay nagpapahayag ng iba’t ibang pagkatao. May mga karanasan ka man sa lipunan at paano ka man tunay na namumuhay sa iyong pamilya at nakakaranas sa loob niyon ay makikita sa iyong ipinapahayag, samantalang hindi mo makikita sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao kung Siya ay may mga karanasan sa pakikisama. Alam na alam Niya ang pinakadiwa ng tao at maihahayag ang lahat ng klase ng mga pagsasagawa na may kinalaman sa lahat ng klase ng mga tao. Mas mahusay pa nga Siya sa paghahayag ng mga tiwaling disposisyon at masuwaying pag-uugali ng mga tao. Hindi Siya namumuhay sa piling ng mga taong makamundo, ngunit alam Niya ang likas na pagkatao ng mga mortal at lahat ng katiwalian ng mga taong makamundo. Ito ang Kanyang pagkatao. Bagama’t hindi Siya nakikitungo sa mundo, alam Niya ang mga panuntunan ng pakikitungo sa mundo, dahil lubos Niyang nauunawaan ang likas na pagkatao ng tao. Alam Niya ang tungkol sa gawain ng Espiritu na hindi nakikita ng mga mata ng tao at hindi naririnig ng mga tainga ng tao, kapwa ngayon at noong araw. Kasama rito ang karunungan na hindi isang pilosopiya sa pamumuhay at mga himalang mahirap maarok ng mga tao. Ito ang Kanyang katauhan, bukas sa mga tao at tago rin sa mga tao. Ang Kanyang ipinapahayag ay hindi ang katauhan ng isang di-pangkaraniwang tao, kundi ang likas na mga katangian at katauhan ng Espiritu. Hindi Siya naglalakbay sa mundo ngunit alam Niya ang lahat tungkol dito. Nakikipag-ugnayan Siya sa mga “taong-unggoy” na walang kaalaman o kabatiran, ngunit nagpapahayag Siya ng mga salitang mas mataas sa kaalaman at nakahihigit sa mga dakilang tao. Namumuhay Siya sa gitna ng isang grupo ng mga taong mabagal umunawa at manhid na hindi makatao at hindi nauunawaan ang mga kalakaran at buhay ng pagiging tao, ngunit maaari Niyang hilingin sa sangkatauhan na isabuhay ang normal na pagkatao, habang ibinubunyag ang hamak at abang pagkatao ng sangkatauhan. Lahat ng ito ay ang Kanyang katauhan, mas mataas kaysa katauhan ng kahit sinong tao na may laman at dugo. Para sa Kanya, hindi kailangang magdanas ng isang kumplikado, masalimuot, at nakaririmarim na pakikisama sa lipunan upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin at lubusang ibunyag ang pinakadiwa ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakaririmarim na pakikisama sa lipunan ay hindi humuhubog sa Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang gawain at mga salita ay nagbubunyag lamang ng pagsuway ng tao at hindi nagkakaloob sa tao ng karanasan at mga aral sa pakikitungo sa mundo. Hindi Niya kailangang suriin ang lipunan o ang pamilya ng tao kapag tinutustusan Niya ng buhay ang tao. Ang paglalantad at paghatol sa tao ay hindi isang pagpapahayag ng mga karanasan ng Kanyang katawang-tao; ito ay Kanyang paghahayag ng kasamaan ng tao pagkatapos malaman ang pagsuway ng tao sa loob ng mahabang panahon at kapootan ang katiwalian ng sangkatauhan. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay upang ihayag ang Kanyang disposisyon sa tao at ipahayag ang Kanyang katauhan. Siya lamang ang makakagawa ng gawaing ito; hindi ito isang bagay na maaaring isagawa ng isang taong may laman at dugo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

329. Nagiging tao lamang ang Diyos upang pamunuan ang kapanahunan at simulan ang bagong gawain. Kinakailangan ninyong maunawaan ang puntong ito. Ibang-iba ito sa tungkulin ng tao, at talagang magkaiba ang dalawa. Ang tao ay nangangailangan na malinang at magawang perpekto sa loob ng mahabang panahon bago siya maaaring magamit upang isagawa ang gawain, at ang uri ng pagkatao na kinakailangan ay may napakataas na antas. Hindi lamang dapat mapanatili ng tao ang pakiramdam ng normal na pagkatao, kundi dapat mas lalo pa niyang maunawaan ang maraming prinsipyo at patakaran ng pamamahala ng kanyang pag-uugali kaugnay sa iba, at higit pa rito ay dapat mangakong lalo pa siyang mag-aaral tungkol sa karunungan at kaalaman sa etika ng tao. Ito ang nararapat na ipagkaloob sa tao. Gayunman, ito ay hindi para sa Diyos na naging tao, dahil ang Kanyang gawain ay hindi kumakatawan sa tao o sa gawain ng tao; sa halip, ito ay isang tuwirang pagpapahayag ng kung ano Siya at isang tuwirang pagsasagawa ng gawain na dapat Niyang gawin. (Natural, isinasagawa ang Kanyang gawain sa angkop na panahon, at hindi lang basta-basta at sapalaran, at sinisimulan ito kapag oras na para tuparin ang Kanyang ministeryo.) Hindi Siya nakikibahagi sa buhay ng tao o gawain ng tao, iyon ay, ang Kanyang pagkatao ay hindi binigyan ng alinman sa mga ito (bagaman hindi ito nakakaapekto sa Kanyang gawain). Tinutupad Niya lamang ang Kanyang ministeryo kapag oras na para gawin Niya ito; anuman ang Kanyang katayuan, ipinagpapatuloy Niya lamang ang gawain na dapat Niyang gawin. Anuman ang alam ng tao sa Kanya at anuman ang opinyon ng tao sa Kanya, ang Kanyang gawain ay lubos na hindi naaapektuhan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 3

330. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay hindi kumakatawan sa karanasan ng Kanyang katawang-tao; ang gawaing ginagawa ng tao ay kumakatawan sa kanyang karanasan. Pinag-uusapan ng lahat ang kanilang personal na karanasan. Maipapahayag ng Diyos nang tuwiran ang katotohanan, samantalang maipapahayag lamang ng tao ang karanasang tumutugma sa kanyang pagdanas sa katotohanan. Ang gawain ng Diyos ay walang mga panuntunan at hindi sakop ng panahon o mga limitasyon ng heograpiya. Maipapahayag Niya kung ano Siya kahit kailan, kahit saan. Gumagawa Siya ayon sa gusto Niya. Ang gawain ng tao ay may mga kundisyon at konteksto; kung wala ang mga ito, hindi siya makakagawa at hindi niya maipapahayag ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos o ang kanyang karanasan sa katotohanan. Para masabi kung ang isang bagay ay sariling gawain ng Diyos o gawain ng tao, kailangan mo lamang ikumpara ang mga pagkakaiba sa pagitan ng dalawa. Kung walang gawaing ginawa ang Diyos Mismo at mayroon lamang gawain ng tao, malalaman mo lamang na ang mga turo ng tao ay mataas, higit sa kakayahan ng iba pa; ang tono ng kanilang pagsasalita, kanilang mga prinsipyo sa pamamahala sa mga bagay-bagay, at kanilang bihasa at matatag na paraan sa paggawa ay hindi kayang abutin ng iba. Hinahangaan ninyong lahat ang mga taong ito na malaki ang kakayahan at mataas ang kaalaman, ngunit hindi ninyo nakikita mula sa gawain at mga salita ng Diyos kung gaano kataas ang Kanyang pagkatao. Sa halip, Siya ay pangkaraniwan, at kapag gumagawa, Siya ay normal at tunay subalit hindi rin masukat ng mga mortal, kaya nga nakadarama ang mga tao ng pagpipitagan para sa Kanya. Marahil ay partikular na maunlad ang karanasan ng isang tao sa kanyang gawain, o partikular na maunlad ang kanyang imahinasyon at pangangatwiran, at ang kanyang pagkatao ay partikular na mabuti; ang gayong mga katangian ay maaari lamang magkamit ng paghanga ng mga tao, ngunit hindi mapupukaw ang kanilang pangingimi at takot. Hinahangaan ng lahat ng tao yaong mga kayang gumawa nang mahusay, na may partikular na malalim na karanasan, at maaaring magsagawa ng katotohanan, ngunit hindi kaya ng gayong mga tao kailanman na pumukaw ng pangingimi, kundi paghanga lamang at inggit. Ngunit ang mga taong nakaranas na ng gawain ng Diyos ay hindi humahanga sa Diyos; sa halip, pakiramdam nila ay hindi maaabot at maaarok ng tao ang Kanyang gawain, at ito ay bago at kamangha-mangha. Kapag nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, ang una nilang kaalaman tungkol sa Kanya ay na Siya ay di-maarok, matalino, at kamangha-mangha, at hindi nila namamalayan na nagpipitagan sila sa Kanya at nadarama nila ang hiwaga ng gawaing Kanyang ginagawa, na hindi maunawaan ng isip ng tao. Nais lamang ng mga tao na matugunan ang Kanyang mga kinakailangan, mabigyang-kasiyahan ang Kanyang mga hangarin; ayaw nilang malampasan Siya, dahil ang gawaing Kanyang ginagawa ay hindi abot ng isip at imahinasyon ng tao at hindi magagawa ng tao para sa Kanya. Kahit ang tao mismo ay hindi alam ang sarili niyang mga kakulangan, subalit nagbukas na ang Diyos ng isang bagong landas at naparito upang dalhin ang tao sa mas bago at mas magandang mundo, at sa gayon ay nakagawa ang sangkatauhan ng panibagong pagsulong at nagkaroon na ng bagong simula. Ang nadarama ng tao para sa Diyos ay hindi paghanga, o ang ibig Kong sabihin, hindi lamang paghanga. Ang kanilang pinakamalalim na karanasan ay pangingimi at pagmamahal; ang pakiramdam nila ay na ang Diyos ay talagang kamangha-mangha. Gumagawa Siya ng gawaing hindi kayang gawin ng tao at nagsasabi ng mga bagay na hindi kayang sabihin ng tao. Ang mga taong nakaranas na ng gawain ng Diyos ay laging mayroong di-maipaliwanag na damdamin. Ang mga taong may sapat na lalim ng karanasan ay nauunawaan ang pagmamahal ng Diyos; nadarama nila ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, na ang Kanyang gawain ay napakatalino, lubhang kamangha-mangha, at sa gayon ay nabubuo sa kanila ang walang-hanggang kapangyarihan. Hindi iyon takot o paminsang-minsang pagmamahal at paggalang, kundi isang malalim na pakiramdam ng habag at pagpaparaya ng Diyos sa tao. Gayunman, ang mga taong nakaranas na ng Kanyang pagkastigo at paghatol ay nararamdaman ang Kanyang karingalan at na wala Siyang pinalalagpas na pagkakasala. Kahit ang mga taong nakaranas na ng marami sa Kanyang gawain ay hindi Siya maarok; alam ng lahat ng tunay na nagpipitagan sa Kanya na ang Kanyang gawain ay hindi nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao kundi palaging sumasalungat sa kanilang mga kuru-kuro. Hindi Niya kailangang hangaan Siya nang lubusan ng mga tao o magpakita ng pagpapasakop sa Kanya; sa halip, dapat silang magkaroon ng tunay na pagpipitagan at tunay na pagpapasakop. Sa karamihan ng Kanyang gawain, sinumang may tunay na karanasan ay nakadarama ng pagpipitagan sa Kanya, na mas mataas kaysa paghanga. Nakita na ng mga tao ang Kanyang disposisyon dahil sa Kanyang gawain ng pagkastigo at paghatol, at sa gayon ay buong-puso silang nagpipitagan sa Kanya. Ang Diyos ay nararapat pagpitaganan at sundin, dahil ang Kanyang katauhan at Kanyang disposisyon ay hindi kapareho ng sa isang nilalang at mas mataas sa mga nilalang. Ang Diyos ay umiiral nang mag-isa at walang katapusan, at hindi Siya isang nilalang, at ang Diyos lamang ang karapat-dapat na pagpitaganan at sundin; hindi karapat-dapat ang tao para dito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Sinundan: VIII. Mga Salita tungkol sa Pag-alam sa Gawain ng Diyos

Sumunod: X. Mga Salita tungkol sa Kung Paano Pumasok sa Katotohanang Realidad sa Pananampalataya ng Tao sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito