VIII. Mga Salita tungkol sa Pag-alam sa Gawain ng Diyos

284. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at inilagay sila sa lupa, at inakay Niya sila magmula noon. Sila ay iniligtas Niya pagkaraan at nagsilbi bilang isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan. Sa katapusan, dapat pa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, ganap na iligtas ang mga tao, at ibalik sila sa kanilang unang wangis. Ito ang gawaing sinangkutan Niya sa simula pa lamang—ang pagpapanumbalik sa sangkatauhan sa una nitong larawan at wangis. Itatatag ng Diyos ang kaharian Niya at ipanunumbalik ang unang wangis ng mga tao, na nangangahulugang ipapanumbalik ng Diyos ang awtoridad Niya sa lupa at sa gitna ng lahat ng sangnilikha. Naiwala ng sangkatauhan ang puso nilang may takot sa Diyos gayundin ang tungkuling nasa pananagutan ng mga nilalang ng Diyos matapos gawing tiwali ni Satanas, kaya’t naging isang kaaway na masuwayin sa Diyos. Namuhay pagkaraan ang sangkatauhan sa ilalim ng nasasakupan ni Satanas at sinunod ang mga utos ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi nagawang pagwagian ang kanilang natatakot na pagpipitagan. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit totoong tinalikuran nila Siya at sa halip ay sumamba kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanilang mga puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng katayuan sa kanilang mga puso, na ang ibig sabihin ay nawalan Siya ng kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Samakatuwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan, dapat Niyang maipanumbalik ang una nilang wangis at tanggalan ang sangkatauhan ng kanilang tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang mga tao mula kay Satanas, dapat Niyang iligtas sila mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan Niya unti-unting maipanunumbalik ang una nilang wangis at tungkulin, at sa wakas, ay mapanunumbalik ang kaharian Niya. Ang pangwakas na pagwasak ng yaong mga anak ng pagsuway ay isasakatuparan din upang tulutan ang mga tao na higit na mahusay na sambahin ang Diyos at mamuhay sa lupa nang higit na maayos. Sapagkat nilikha ng Diyos ang mga tao, gagawin Niyang sambahin Siya nila; sapagkat ninanais Niyang maipanumbalik ang unang tungkulin ng sangkatauhan, ganap Niya itong ipapanumbalik, at nang walang pagbabawas ng bisa. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagpapasamba at pagpapasakop sa Kanya ng mga tao; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang dahil sa Kanya at magdulot na mapahamak ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na sasanhiin ng Diyos na maipamalagi sa mga tao ang lahat-lahat ng tungkol sa Kanya nang walang pagtutol mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sasamba sa Kanya, yaong ganap na magpapasakop sa Kanya at magpapakita ng luwalhati Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ng kaharian Niya. Kung hindi wawasakin ng Diyos yaong mga kaaway na masuwayin sa Kanya, hindi Niya magagawang matamo ang ganap Niyang luwalhati, o hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang mga ito ang magiging mga pananda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng mga dakilang katuparan Niya: upang lubos na wasakin yaong mga kabilang sa sangkatauhan na masuwayin sa Kanya, at upang dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap. Kapag naipanumbalik na ang mga tao sa una nilang wangis, at kapag natutupad na nila ang kani-kanilang mga tungkulin, nananatili sa sarili nilang wastong kinalalagyan at nagpapasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, natamo na ng Diyos ang isang pangkat ng mga tao na nasa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang-hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng yaong mga sumasalungat sa Kanya ay mapapahamak sa lahat ng kawalang-hanggan. Ipanunumbalik nito ang una Niyang layunin sa paglikha sa sangkatauhan; ipanunumbalik nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng mga bagay, at ipanunumbalik din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng mga bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga sagisag ng ganap Niyang tagumpay. Mula roon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang-hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang-hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dungis at pagsuway sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat-lahat ng nasa daigdig na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong dinalhan Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

285. Ang Aking buong plano ng pamamahala, ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala, ay binubuo ng tatlong yugto, o tatlong kapanahunan: ang Kapanahunan ng Kautusan sa simula; ang Kapanahunan ng Biyaya (na siya ring Kapanahunan ng Pagtubos); at ang Kapanahunan ng Kaharian sa mga huling araw. Ang Aking gawain sa tatlong kapanahunang ito ay nagkakaiba sa nilalaman ayon sa katangian ng bawat kapanahunan, ngunit sa bawat yugto angkop ang gawaing ito sa mga pangangailangan ng tao—o, para mas malinaw, ginagawa ito ayon sa mga panlilinlang na ginagamit ni Satanas sa Aking pakikidigma laban dito. Ang layunin ng Aking gawain ay upang talunin si Satanas, upang ipakita ang Aking karunungan at walang-hanggang kapangyarihan, upang ilantad ang lahat ng panlilinlang ni Satanas, at sa gayon ay mailigtas ang buong lahi ng tao, na nabubuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas. Ito ay upang ipakita ang Aking karunungan at walang-hanggang kapangyarihan, at ibunyag ang di-mabatang pagiging kakila-kilabot ni Satanas; higit pa riyan, ito ay upang tulutan ang mga nilalang na makilala kung alin ang mabuti at masama, upang makilala na Ako ang Pinuno ng lahat ng bagay, upang makita nang malinaw na si Satanas ay kaaway ng sangkatauhan, ang tiwali, ang siyang masama, at upang masabi nila, nang may lubos na katiyakan, ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masama, katotohanan at kasinungalingan, kabanalan at karumihan, at kung ano ang dakila at ano ang hamak. Sa gayon ay makakaya ng mangmang na sangkatauhan na magpatotoo sa Akin na hindi Ako ang nagtitiwali sa sangkatauhan, at Ako lamang—ang Lumikha—ang makapagliligtas sa sangkatauhan, ang maaaring magkaloob sa tao ng mga bagay na makasisiya sa kanila; at malalaman nila na Ako ang Pinuno ng lahat ng bagay at si Satanas ay isa lamang sa mga nilalang na Aking nilikha at na paglaon ay kinalaban Ako. Ang Aking anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto, at nagsisikap Akong makamit ang epekto ng pagbibigay-kakayahan sa Aking mga nilalang na magpatotoo sa Akin, at maunawaan ang Aking kalooban, at malaman na Ako ang katotohanan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kwento sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos

286. Ang 6,000 taong gawain ng pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto: ang Kapanahunan ng Kautusan, ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang Kapanahunan ng Kaharian. Ang tatlong yugtong ito ng gawain ay para lahat sa kapakanan ng pagliligtas sa sangkatauhan, na ang ibig sabihin, ang mga iyon ay para sa pagliligtas sa sangkatauhan na labis na natiwali ni Satanas. Gayunpaman, kasabay nito, ang mga iyon ay para rin maaaring makagawa ang Diyos ng pakikipagdigma kay Satanas. Kaya, kung paanong ang gawain ng pagliligtas ay nahahati sa tatlong yugto, gayundin ang pakikipagdigma kay Satanas ay nahahati rin sa tatlong yugto, at ang dalawang aspetong ito ng gawain ng Diyos ay sabay na pinatatakbo. Ang pakikipagdigma kay Satanas ay talagang para sa kapakanan ng pagliligtas sa sangkatauhan, at dahil sa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi isang bagay na matagumpay na natatapos sa iisang yugto, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinahati rin sa mga bahagi at yugto, at isinasagawa ang pakikipagdigma kay Satanas alinsunod sa mga pangangailangan ng tao at sa lawak ng pagtiwali ni Satanas sa kanya. Marahil, sa imahinasyon ng tao, siya ay naniniwala na sa digmaang ito ang Diyos ay gagamit ng mga sandata laban kay Satanas, kagaya ng paraan na ang dalawang hukbo ay maglalaban sa isa’t isa. Ito lamang ang kayang guni-gunihin ng talino ng tao; ito ay isang sukdulang malabo at di-makatotohanang ideya, ngunit ito ang pinaniniwalaan ng tao. At dahil sinasabi Ko rito na ang paraan ng pagliligtas sa tao ay sa pamamagitan ng pakikipagdigma kay Satanas, iniisip ng tao na sa ganitong paraan isasagawa ang pakikipagdigma. May tatlong yugto sa gawain ng pagliligtas sa tao, na ang ibig sabihin na ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinati sa tatlong yugto upang una at sa lahat na magapi si Satanas. Ngunit ang katotohanang nakapaloob sa buong gawain ng pakikipagdigma kay Satanas ay yaong ang mga epekto nito ay natatamo sa pamamagitan ng ilang hakbang ng gawain: pagkakaloob ng biyaya sa tao, pagiging handog sa kasalanan ng tao, pagpapatawad sa mga kasalanan ng tao, paglupig sa tao, at paggawang perpekto sa tao. Bilang katunayan, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hindi ang paggamit ng mga armas laban kay Satanas, kundi ang pagliligtas sa tao, ang paggawa sa buhay ng tao, at ang pagbabago sa disposisyon ng tao upang siya ay maaaring magtaglay ng patotoo sa Diyos. Ganito kung paano natatalo si Satanas. Si Satanas ay natatalo sa pamamagitan ng pagbabago sa tiwaling disposisyon ng tao. Kapag natalo na si Satanas, iyan ay, kapag ang tao ay lubos nang naligtas, sa gayon ang napahiyang si Satanas ay tuluyan nang magagapos, at sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. Kaya, ang diwa ng pagliligtas sa tao ay ang digmaan laban kay Satanas, at ang digmaang ito ay unang-unang nasasalamin sa pagliligtas sa tao. Ang yugto ng mga huling araw, kung saan malulupig ang tao, ay ang huling yugto sa pakikipagdigma kay Satanas, at ito rin ang gawain ng ganap na pagliligtas sa tao mula sa sakop ni Satanas. Ang panloob na kahulugan ng paglupig sa tao ay ang pagbabalik ng pagsasakatawan ni Satanas–ang tao na nagawang tiwali ni Satanas–sa Lumikha kasunod ng paglupig sa kanya, kung saan sa pamamagitan nito ay tatalikdan niya si Satanas at lubusang magbabalik sa Diyos. Sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. At kaya, ang gawain ng panlulupig ay ang huling gawain sa digmaan laban kay Satanas at ang huling yugto sa pamamahala ng Diyos para sa kapakanan ng pagtalo kay Satanas. Kung wala ang gawaing ito, ang lubos na kaligtasan ng tao sa kahuli-hulihan ay magiging imposible, ang ganap na pagkatalo ni Satanas ay magiging imposible rin, at ang sangkatauhan ay hindi kailanman makakapasok sa kamangha-manghang hantungan, o makakalaya sa impluwensya ni Satanas. Dahil dito, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi matatapos bago ang pakikipagdigma kay Satanas ay natatapos, sapagkat ang ubod ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay para sa kapakanan ng pagliligtas sa tao. Ang pinakaunang sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos, ngunit dahil sa panunukso at pagtiwali ni Satanas, ang tao ay naigapos ni Satanas at nahulog sa mga kamay ng masama. Kaya, si Satanas ay naging ang layon na tatalunin sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sapagkat ang tao ay inangkin ni Satanas, at dahil ang tao ang puhunan na ginagamit ng Diyos upang isakatuparan ang buong pamamahala, kung ililigtas ang tao, kung gayon ay kailangang maagaw siya mula sa mga kamay ni Satanas, ibig sabihin na ang tao ay kailangang mabawi pagkatapos ng pagkabihag ni Satanas. Sa gayon, kailangang matalo si Satanas sa pamamagitan ng mga pagbabago sa dating disposisyon ng tao, mga pagbabagong magpapanumbalik sa orihinal na katinuan at katwiran ng tao. Sa ganitong paraan, ang tao, na nabihag, ay maaagaw pang muli mula sa mga kamay ni Satanas. Kung napapalaya ang tao mula sa impluwensya at pagkagapos ni Satanas, sa gayon ay mapapahiya si Satanas, ang tao sa kahuli-hulihan ay mababawi, at si Satanas ay magagapi. At dahil ang tao ay napalaya mula sa madilim na impluwensya ni Satanas, ang tao ang magiging samsam ng kabuoang labanang ito, at si Satanas ay magiging ang layon na parurusahan sa sandaling natapos ang labanan, kung saan pagkatapos nito ang kabuuang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay makukumpleto na.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan

287. Ang Diyos ang Simula at ang Katapusan; Siya Mismo ang nagpapatakbo ng Kanyang gawain at kaya dapat Siya Mismo ang tatapos sa naunang kapanahunan. Iyon ang patunay na tinalo Niya si Satanas at nilupig ang mundo. Tuwing gumagawa Siya Mismo sa gitna ng tao, ito ay simula ng isang bagong labanan. Kung walang pagsisimula ng bagong gawain, natural na walang pagtatapos ng dati. At kapag walang pagtatapos ng dati, patunay ito na ang pakikipagdigma kay Satanas ay hindi pa natatapos. Tanging kung ang Diyos Mismo ang dumarating at nagsasakatuparan ng bagong gawain sa gitna ng tao na ganap na makakalaya ang tao mula sa sakop ni Satanas at makakatamo ng isang bagong buhay at bagong simula. Kung hindi, mamumuhay magpakailanman ang tao sa dating kapanahunan at mamumuhay magpakailanman sa ilalim ng dating impluwensiya ni Satanas. Sa bawa’t kapanahunan na pinangunahan ng Diyos, ang isang bahagi ng tao ay napapalaya, at sa gayon ay sumusulong ang tao kasama ng gawain ng Diyos patungo sa bagong kapanahunan. Ang tagumpay ng Diyos ay tagumpay ng lahat ng sumusunod sa Kanya. Kung ang sangkatauhang nilikha ang nakaatas na magtapos ng kapanahunan, sa pananaw man ng tao o ni Satanas, ito ay walang iba kundi isang gawa na sumasalungat o nagtataksil sa Diyos, hindi ng pagsunod sa Diyos, at ang gawa ng tao ay magiging kasangkapan para kay Satanas. Magiging ganap na kumbinsido lamang si Satanas kung tatalima at susunod ang tao sa Diyos sa isang kapanahunan na inihatid ng Diyos Mismo, dahil iyon ang tungkulin ng isang nilalang. Kaya sinasabi Ko na kailangan lamang ninyong sumunod at tumalima, at wala nang ibang hinihingi sa inyo. Iyon ang ibig sabihin ng pagtupad ng bawa’t isa sa kanyang tungkulin at pagganap ng kanyang gawain. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain at hindi kailangan ang tao na humalili sa paggawa ng Kanyang gawain, at hindi rin Niya isinasangkot ang Kanyang Sarili sa gawain ng mga nilalang. Gumaganap ang tao ng kanyang sariling tungkulin at hindi lumalahok sa gawain ng Diyos. Ito lamang ang tunay na pagsunod at patunay na natalo na si Satanas. Pagkatapos ng Diyos Mismo na maghatid sa bagong kapanahunan, hindi na Siya Mismo gumagawa sa gitna ng tao. Pagkatapos noon saka lamang opisyal na humahakbang ang tao patungo sa bagong kapanahunan upang gampanan ang kanyang tungkulin at tuparin ang kanyang misyon bilang isang nilalang. Ito ang mga prinsipyo ng paggawa ng Diyos, na hindi maaaring suwayin ninuman. Ang ganitong paraan lamang ng paggawa ang matino at makatwiran. Ang gawain ng Diyos ay ginagawa ng Diyos Mismo. Siya ang nagpapasimulang magpatakbo ng Kanyang gawain, at Siya rin ang tumatapos nito. Siya ang nagpaplano ng gawain, at Siya rin ang namamahala nito, at lalo na, Siya ang nagpapabunga sa gawain. Tulad ito ng nakasaad sa Biblia, “Ako ang Pasimula at ang Katapusan; Ako ang Tagahasik at ang Tagaani.” Ang lahat ng may kaugnayan sa gawain ng Kanyang pamamahala ay ginagawa Niya Mismo. Siya ang Tagapamahala ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala; walang sinuman ang makakagawa ng Kanyang gawain bilang kahalili Niya o magtatapos ng Kanyang gawain, dahil Siya ang may kontrol ng lahat. Dahil nilikha Niya ang mundo, aakayin Niya ang buong mundo na mamuhay sa Kanyang liwanag, at tatapusin Niya rin ang buong kapanahunan upang dalhin ang lahat ng Kanyang plano sa katuparan!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 1

288. Ang gawain ng buong plano ng pamamahala ng Diyos ay personal na ginagawa ng Diyos Mismo. Ang unang yugto—ang paglikha ng mundo—ay personal na ginawa ng Diyos Mismo, at kung hindi nangyari ito, walang sinumang may kakayahang likhain ang sangkatauhan; ang ikalawang yugto ay ang pagtubos sa buong sangkatauhan, at ito ay personal ding ginawa ng Diyos Mismo; ang ikatlong yugto ay malinaw: Mas malaki ang pangangailangan na ang Diyos Mismo ang tumapos sa Kanyang buong gawain. Ang gawain ng pagtubos, panlulupig, pagtamo, at pagpeperpekto sa buong sangkatauhan ay personal na isinasakatuparang lahat ng Diyos Mismo. Kung hindi Niya personal na ginawa ang gawaing ito, kung gayon ang Kanyang pagkakakilanlan ay hindi makakatawan ng tao, o magagawa ng tao ang Kanyang gawain. Upang talunin si Satanas, upang makamit ang sangkatauhan, at upang bigyan ang tao ng isang normal na buhay sa lupa, personal Niyang pinangungunahan ang tao at personal na gumagawa sa gitna ng tao; para sa kapakanan ng Kanyang buong plano ng pamamahala, at para sa lahat ng Kanyang gawain, kailangang personal Niyang gawin ang gawaing ito. Kung naniniwala lamang ang tao na ang Diyos ay dumating upang makita Siya ng tao, para mapasaya ang tao, kung gayon ang ganoong mga paniniwala ay walang halaga, walang kabuluhan. Ang pagkaunawa ng tao ay napakababaw! Sa pamamagitan lamang ng pagsasakatuparan ng gawaing ito Niya Mismo na magagawa ng Diyos ang gawaing ito nang lubusan at kumpleto. Walang kakayahan ang tao na gawin ito sa ngalan ng Diyos. Dahil hindi niya taglay ang pagkakakilanlan ng Diyos o ang Kanyang diwa, wala siyang kakayahang gawin ang gawain ng Diyos, at kahit ginawa pa ito ng tao, hindi ito magkakaroon ng anumang epekto. Ang unang pagkakataon na naging katawang-tao ang Diyos ay para sa kapakanan ng pagtubos, upang tubusin ang buong sangkatauhan mula sa kasalanan, upang bigyang-kakayahan ang tao na maging malinis at mapatawad sa kanyang mga kasalanan. Ang gawain ng panlulupig ay personal ding ginagawa ng Diyos sa gitna ng tao. Kung, sa panahon ng yugtong ito, magsasalita lamang ang Diyos ng propesiya, kung gayon ang isang propeta o sinumang mayroong kaloob ay maaaring matagpuan upang halinhinan Siya; kung propesiya lamang ang sinasalita, kung gayon makakahalili ang tao sa Diyos. Ngunit kung susubukan ng tao na personal na gawin ang gawain ng Diyos Mismo at susubukang gawin ang buhay ng tao, magiging imposible para sa kanya na gawin ang gawaing ito. Ito ay kailangang personal na gawin ng Diyos Mismo: kailangang personal na maging katawang-tao ang Diyos upang gawin ang gawaing ito. Sa Kapanahunan ng Salita, kung propesiya lamang ang sinalita, kung gayon si Isaias o Elias na propeta ay maaaring masumpungan upang gawin ang gawaing ito, at hindi na kakailanganin na personal itong gawin ng Diyos Mismo. Dahil ang gawain na ginagawa sa yugtong ito ay hindi basta pagsasalita ng propesiya, at dahil higit na mahalaga na ang gawain ng mga salita ay ginagamit upang lupigin ang tao at talunin si Satanas, ang gawaing ito ay hindi magagawa ng tao, at kailangang personal na gawin ng Diyos Mismo. Sa Kapanahunan ng Kautusan ginawa ni Jehova ang bahagi ng Kanyang gawain, pagkatapos nito ay nagsalita Siya ng ilang salita at gumawa ng ilang gawain sa pamamagitan ng mga propeta. Iyon ay dahil maaaring humalili ang tao kay Jehova sa Kanyang gawain, at mahuhulaan ng mga manghuhula ang mga bagay-bagay at makapagbibigay-kahulugan sa ilang panaginip sa Kanyang ngalan. Ang gawain na ginagawa noong pasimula ay hindi ang gawain ng tuwirang pagbabago sa disposisyon ng tao, at walang kinalaman sa kasalanan ng tao, at ang tao ay kinailangan lamang na sumunod sa kautusan. Kaya si Jehova ay hindi naging katawang-tao at hindi ibinunyag ang Sarili Niya sa tao; sa halip Siya ay nagsalita nang tuwiran kay Moises at sa iba pa, pinagsalita sila at pinagawa sa Kanyang ngalan, at nagsanhi sa kanila upang tuwirang gumawa sa gitna ng sangkatauhan. Ang unang yugto ng gawain ng Diyos ay ang pangunguna sa tao. Ito ang simula ng pakikidigma laban kay Satanas, ngunit ang digmaang ito ay hindi pa opisyal na nagsisimula. Ang opisyal na pakikipagdigma laban kay Satanas ay nagsimula sa unang pagkakatawang-tao ng Diyos, at ito ay nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Ang unang labanan ng digmaang ito ay nang ang Diyos na nagkatawang-tao ay ipinako sa krus. Ang pagpapako sa krus ng Diyos na nagkatawang-tao ay tinalo si Satanas, at ito ang unang matagumpay na yugto sa digmaan. Nang magsimula ang Diyos na nagkatawang-tao na tuwirang gumawa sa buhay ng tao, ito ang opisyal na pagsisimula ng gawain ng pagbawi sa tao, at dahil ito ang gawain ng pagbabago ng dating disposisyon ng tao, ito ang gawain ng pakikipagdigma kay Satanas. Ang yugto ng gawaing ginawa ni Jehova noong pasimula ay ang pangunguna lamang sa buhay ng tao sa lupa. Ito ang simula ng gawain ng Diyos, at bagaman hindi pa nakapaloob dito ang anumang digmaan, o anumang pangunahing gawain, inilatag nito ang saligan para sa digmaang darating. Kinalaunan, ang ikalawang yugto ng gawain noong Kapanahunan ng Biyaya ay kinapalooban ng pagpapabago sa dating disposisyon ng tao, ibig sabihin ang Diyos Mismo ang pumanday sa buhay ng tao. Ito ay kinailangang personal na gawin ng Diyos: Kinailangan nito na personal na maging katawang-tao ang Diyos. Kung hindi Siya naging katawang-tao, walang sinuman ang makapapalit sa Kanya sa yugtong ito ng gawain, dahil kinatawan nito ang gawain ng tuwirang pakikipagdigma laban kay Satanas. Kung nagawa ng tao ang gawaing ito para sa Diyos, nang tumayo ang tao sa harapan ni Satanas, hindi sana nagpasakop si Satanas at naging imposible sanang talunin ito. Kinailangan na ang Diyos na nagkatawang-tao ang pumarito upang talunin ito, sapagkat ang diwa ng Diyos na nagkatawang-tao ay Diyos pa rin, Siya pa rin ang buhay ng tao, at Siya pa rin ang Lumikha; anuman ang mangyari, ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa ay hindi magbabago. Kaya nga, nag-anyo Siya ng katawang-tao at ginawa ang gawain upang ganap na magpasakop si Satanas. Sa panahon ng yugto ng gawain ng mga huling araw, kung ang tao ang gagawa ng gawaing ito at papapagsalitain nang tuwiran sa mga salita, kung gayon ay hindi niya magagawang salitain ang mga iyon, at kung propesiya ang sinalita, kung gayon ay wala kakayahan ang propesiyang ito na malupig ang tao. Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao, dumarating ang Diyos upang talunin si Satanas at ganap na magpasakop ito. Kapag lubos Niyang tinalo si Satanas, ganap na nilupig ang tao, at ganap na nakamit ang tao, ang yugtong ito ng gawain ay matatapos at makakamit ang tagumpay. Sa pamamahala ng Diyos, hindi makakahalili ang tao sa Diyos. Sa partikular, ang gawain ng pangunguna sa kapanahunan at paglulunsad ng bagong gawain ay higit pang nangangailangan ng pagiging personal na ginagawa ng Diyos Mismo. Ang pagbibigay sa tao ng pahayag at pagkakaloob sa kanya ng propesiya ay magagawa ng tao, ngunit kung ito ay gawain na kailangang personal na gawin ng Diyos, ang gawain ng digmaan sa pagitan ng Diyos Mismo at ni Satanas, kung gayon ang ganitong gawain ay hindi magagawa ng tao. Noong unang yugto ng gawain, nang wala pang digmaan laban kay Satanas, personal na pinangunahan ni Jehova ang mga tao ng Israel gamit ang propesiyang sinalita ng mga propeta. Pagkatapos, ang ikalawang yugto ng gawain ay ang digmaan laban kay Satanas, at personal na naging katawang-tao ang Diyos Mismo, at naging katawang-tao upang gawin ang gawaing ito. Anumang kinasasangkutan ng pakikidigma laban kay Satanas ay kinasasangkutan din ng pagkakatawang-tao ng Diyos, nangangahulugan na ang pakikipagdigmang ito ay hindi magagawa ng tao. Kung ang tao ang makikipagdigma, hindi niya makakayang talunin si Satanas. Paano siyang magkakaroon ng lakas na makipaglaban dito habang nasa ilalim pa rin ng sakop nito? Ang tao ay nasa gitna: Kung ikaw ay hihilig tungo kay Satanas, kung gayon ay pag-aari ka ni Satanas, ngunit kung iyong napapalugod ang Diyos, kung gayon ay pag-aari ka ng Diyos. Kung ang tao ay susubok at hahalili sa Diyos sa gawain ng digmaang ito, makakaya ba niya? Kung ginawa niya, hindi ba matagal na sana siyang napahamak? Hindi ba matagal na sana siyang nakapasok sa mundo sa ibaba? Kaya, hindi kayang palitan ng tao ang Diyos sa Kanyang gawain, na ang ibig sabihin ay hindi taglay ng tao ang diwa ng Diyos, at kung ikaw ay nakipagdigma kay Satanas hindi mo kakayaning talunin ito. Nakakagawa lamang ng ilang gawain ang tao; makakahalina lamang siya ng ilang tao, ngunit hindi siya makakahalili sa Diyos sa gawain ng Diyos Mismo. Paano makikipagdigma ang tao laban kay Satanas? Ikaw ay kukuning bihag ni Satanas bago ka pa man magsimula. Tanging kapag ang Diyos Mismo ang nakikipagdigma kay Satanas at ang tao ay sumusunod at tumatalima sa Diyos sa batayang ito, makakamit ng Diyos ang tao at makakatakas sa pagkakagapos kay Satanas. Masyadong limitado ang mga bagay na makakamtan ng tao gamit ang kanyang karunungan at mga kakayahan; hindi niya kayang gawing ganap ang tao, pangunahan siya, at, higit pa rito, talunin si Satanas. Hindi kaya ng talino at karunungan ng tao na hadlangan ang mga pakana ni Satanas, kaya papaano makikipagdigma ang tao rito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan

289. Ang kabuuan ng gawaing isinagawa sa loob ng anim na libong taon ay unti-unti nang nagbago habang nagdaraan ang iba’t ibang panahon. Ang mga pagbabago sa gawaing ito ay naging batay sa kabuuang sitwasyon ng mundo at sa kalakaran sa pag-unlad ng sangkatauhan sa kabuuan; ang gawain ng pamamahala ay unti-unti lamang nagbago alinsunod dito. Hindi ito nakaplanong lahat mula sa simula ng paglikha. Bago nilikha ang mundo, o matapos itong likhain, hindi pa naiplano ni Jehova ang unang yugto ng gawain, ng kautusan; ang pangalawang yugto ng gawain, ng biyaya; o ang pangatlong yugto ng gawain, ang panlulupig, kung saan magsisimula muna Siya sa ilan sa mga inapo ni Moab, at sa pamamagitan nito ay lulupigin Niya ang buong sansinukob. Matapos likhain ang mundo, hindi Niya sinambit kailanman ang mga salitang ito, ni hindi Niya sinambit ang mga ito pagkatapos Niya kay Moab; tunay nga, bago kay Lot, hindi Niya binigkas ang mga ito. Lahat ng gawain ng Diyos ay ginagawa nang kusang-loob. Ganito mismo nabuo ang Kanyang buong anim-na-libong-taong gawain ng pamamahala; hindi Niya isinulat ang gayong plano sa anumang paraan, bago nilikha ang mundo, sa hitsura ng isang bagay na katulad ng “Buong Tsart para sa Pag-unlad ng Sangkatauhan.” Sa gawain ng Diyos, tuwiran Niyang ipinapahayag kung ano Siya; hindi Niya pinahihirapan ang utak Niya sa pagbubuo ng isang plano. Mangyari pa, medyo may ilang propetang nagpahayag ng napakaraming propesiya, ngunit hindi pa rin masasabi na ang gawain ng Diyos ay laging may tumpak na pagpaplano; ang mga propesiyang iyon ay ginawa ayon sa gawain ng Diyos noon. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay ang pinaka-aktwal na gawain. Isinasagawa Niya iyon alinsunod sa pag-unlad ng bawat panahon, at ibinabatay iyon sa kung paano nagbabago ang mga bagay-bagay. Para sa Kanya, ang pagsasagawa ng gawain ay tulad ng pagbibigay ng gamot para gamutin ang isang karamdaman; habang ginagawa ang Kanyang gawain, Siya ay nagmamasid, at ipinagpapatuloy Niya ang Kanyang gawain ayon sa Kanyang mga namasdan. Sa bawat yugto ng Kanyang gawain, may kakayahan ang Diyos na ipakita ang Kanyang sapat na karunungan at kakayahan; ipinapakita Niya ang Kanyang saganang karunungan at awtoridad ayon sa gawain ng anumang partikular na kapanahunan, at tinutulutan ang lahat ng taong iyon na Kanyang ibinalik sa kapanahunang iyon upang makita ang Kanyang buong disposisyon. Tinutustusan Niya ang mga pangangailangan ng mga tao alinsunod sa gawaing kailangang gawin sa bawat kapanahunan, ginagawa ang anumang gawaing dapat Niyang gawin. Tinutustusan Niya ang mga pangangailangan ng mga tao batay sa antas na nagawa silang tiwali ni Satanas. … Walang isa man sa gawain ng Diyos sa sangkatauhan ang naihanda na nang likhain ang mundo; sa halip, ang pag-unlad ng mga bagay-bagay ang nagtulot sa Diyos na isagawa ang Kanyang gawain sa sangkatauhan sa paisa-isang hakbang at sa mas makatotohanan at praktikal na paraan. Halimbawa, hindi nilikha ng Diyos na si Jehova ang ahas upang tuksuhin ang babae; hindi iyon ang partikular Niyang plano, ni hindi iyon isang bagay na sadya Niyang itinalaga. Masasabi ng isang tao na isang pangyayari ito na hindi inaasahan. Sa gayon, ito ang dahilan kaya pinalayas ni Jehova sina Adan at Eba mula sa Halamanan ng Eden at isinumpa na hindi na Siya muling lilikha ng tao kailanman. Gayunman, natutuklasan lamang ng mga tao ang karunungan ng Diyos ayon sa pundasyong ito. Katulad lamang ito ng sinabi Ko kanina: “Ginagamit Ko ang Aking karunungan batay sa mga pakana ni Satanas.” Paano man tumitindi ang katiwalian ng sangkatauhan o paano sila tinutukso ng ahas, mayroon pa ring karunungan si Jehova; sa gayon, naging abala na Siya sa bagong gawain mula nang likhain Niya ang mundo, at wala sa mga hakbang ng gawaing ito ang naulit kailanman. Patuloy na ginagawa ni Satanas ang kanyang mga pakana, palagi nang ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at walang tigil na isinasagawa ng Diyos na si Jehova ang Kanyang matalinong gawain. Hindi Siya nabigo kailanman, ni hindi Siya tumigil sa paggawa kailanman, mula nang likhain ang mundo. Matapos magawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, patuloy na Siyang gumagawa sa kanila upang talunin ito, ang kaaway na pinagmulan ng kanilang katiwalian. Ang labanang ito ay nanalanta na sa simula pa lamang, at magpapatuloy hanggang sa katapusan ng mundo. Sa paggawa ng lahat ng gawaing ito, hindi lamang tinulutan ng Diyos na si Jehova ang mga tao, na nagawang tiwali ni Satanas, na matanggap ang Kanyang dakilang pagliligtas, kundi tinulutan din silang makita ang Kanyang karunungan, pagiging makapangyarihan sa lahat, at awtoridad. Bukod dito, sa huli, hahayaan Niyang makita nila ang Kanyang matuwid na disposisyon—na pinarurusahan ang masasama at ginagantimpalaan ang mabubuti. Nilabanan na Niya si Satanas hanggang sa araw na ito at hindi Siya natalo kailanman. Ito ay dahil Siya ay isang matalinong Diyos, at ginagamit Niya ang Kanyang karunungan batay sa mga pakana ni Satanas. Samakatuwid, hindi lamang ginagawa ng Diyos ang lahat ng nasa langit na magpasakop sa Kanyang awtoridad, kundi napanatili rin Niya ang lahat ng nasa ibabaw ng lupa sa Kanyang paanan at, partikular na, isinasailalim Niya ang masasama na nanghihimasok at nanggugulo sa sangkatauhan sa Kanyang pagkastigo. Ang mga resulta ng lahat ng gawaing ito ay nakamtan dahil sa Kanyang karunungan. Hindi Niya naipakita kailanman ang Kanyang karunungan bago umiral ang sangkatauhan, sapagkat wala Siyang mga kaaway sa langit, sa ibabaw ng lupa, o saanman sa buong sansinukob, at walang mga puwersa ng kadiliman na nanghihimasok sa anuman sa kalikasan. Matapos Siyang ipagkanulo ng arkanghel, nilikha Niya ang sangkatauhan sa ibabaw ng lupa, at dahil sa sangkatauhan kaya Niya pormal na sinimulan ang Kanyang isang-libong-taong pakikidigma kay Satanas, ang arkanghel—isang digmaang lalong umiigting sa bawat sumunod na yugto. Naroon ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat at karunungan sa bawat isa sa mga yugtong ito. Saka lamang nasaksihan ng lahat ng nasa langit at nasa ibabaw ng lupa ang karunungan, pagiging makapangyarihan sa lahat, at, lalo na, ang realidad ng Diyos. Isinasagawa pa rin Niya ang gawain sa ganito ring makatotohanang paraan hanggang sa araw na ito; dagdag pa rito, habang isinasagawa Niya ang Kanyang gawain, ipinapakita rin Niya ang Kanyang karunungan at pagiging makapangyarihan sa lahat. Tinutulutan Niya kayong makita ang katotohanan sa loob ng bawat yugto ng gawain, makita kung paano talaga ipaliwanag ang pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos, at, bukod dito, makita ang isang tiyak na paliwanag tungkol sa realidad ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

290. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay palaging ginagawa nang kusang-loob; maipaplano Niya ang Kanyang gawain anumang oras, at maisasagawa ito anumang oras. Bakit Ko ba palaging sinasabi na ang gawain ng Banal na Espiritu ay makatotohanan, at na ito ay palaging bago, hindi kailanman luma, at palaging napakasariwa? Ang Kanyang gawain ay hindi pa naiplano bago nilikha ang mundo; hindi talaga ganoon ang nangyari! Bawat hakbang ng gawain ay natatamo ang tamang epekto nito para sa nauukol na panahon, at ang mga hakbang ay hindi nakakagambala sa isa’t isa. Sa maraming pagkakataon, ang mga planong maaaring nasa isip mo ay hindi talaga mapapantayan ang pinakabagong gawain ng Banal na Espiritu. Ang Kanyang gawain ay hindi kasing-simple ng pangangatwiran ng tao, ni hindi ito kasing-kumplikado ng imahinasyon ng tao—ito ay binubuo ng pagtustos sa mga tao anumang oras at saanmang lugar alinsunod sa kanilang mga pangangailangan sa kasalukuyan. Walang sinumang mas nalilinawan tungkol sa kakanyahan ng mga tao kaysa sa Kanya, at dahil mismo rito kaya walang umaangkop sa makatotohanang mga pangangailangan ng mga tao na katulad ng Kanyang gawain. Samakatuwid, mula sa pananaw ng isang tao, tila napagplanuhan ang Kanyang gawain nang maaga nang ilang libong taon. Habang Siya ay gumagawa sa inyo ngayon, samantalang gumagawa at nagsasalita habang minamasdan ang inyong mga kalagayan, mayroon Siyang tamang mga salitang sasabihin kapag nasagupa Niya ang bawat isang uri ng kalagayan, na sumasambit ng mga salitang kailangan mismo ng mga tao. Kunin ang unang hakbang ng Kanyang gawain: ang panahon ng pagkastigo. Pagkatapos niyan, ipinakita ng mga tao ang lahat ng uri ng pag-uugali at kumilos nang may pagkasuwail sa ilang paraan; lumitaw ang iba-ibang positibong kalagayan, gayundin ang ilang negatibong kalagayan. Nakarating sila sa isang punto sa kanilang pagiging negatibo at nagpakita ng pinakamababang mga limitasyon na babagsakan nila. Naidaos ng Diyos ang Kanyang gawain batay sa lahat ng bagay na ito, sa gayon ay nagawa nilang magkamit ng mas magandang resulta mula sa Kanyang gawain. Ibig sabihin, gumagawa Siya ng pantulong na gawain sa mga tao batay sa anumang kasalukuyan nilang kalagayan sa anumang oras; isinasagawa Niya ang bawat hakbang ng Kanyang gawain ayon sa aktwal na mga kalagayan ng mga tao. Lahat ng nilikha ay nasa Kanyang mga kamay; paanong hindi Niya sila makikilala? Isinasagawa ng Diyos ang susunod na hakbang ng gawain na dapat gawin, anumang oras at saanmang lugar, alinsunod sa mga kalagayan ng mga tao. Hindi ipinlano ang gawaing ito sa anumang paraan nang maaga nang libu-libong taon; iyan ay isang kuru-kuro ng tao! Gumagawa Siya habang inoobserbahan ang mga epekto ng Kanyang gawain, at patuloy na lumalalim at umuunlad ang Kanyang gawain; sa bawat pagkakataon, matapos obserbahan ang mga resulta ng Kanyang gawain, ipinatutupad Niya ang susunod na hakbang ng Kanyang gawain. Gumagamit Siya ng maraming bagay upang unti-unting lumipat at ipakita sa mga tao ang Kanyang bagong gawain sa paglipas ng panahon. Ang ganitong paraan ng paggawa ay maaaring makatustos sa mga pangangailangan ng mga tao, sapagkat kilalang-kilala ng Diyos ang mga tao. Ganito Niya isinasagawa ang Kanyang gawain mula sa langit. Gayundin, ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain sa parehong paraan, na gumagawa ng mga plano ayon sa aktwal na mga sitwasyon at gumagawa sa mga tao. Walang isa man sa Kanyang mga gawain ang naiplano bago nilikha ang mundo, ni masusing naiplano nang maaga. Dalawang libong taon matapos likhain ang mundo, nakita ni Jehova na naging labis nang tiwali ang sangkatauhan kaya ginamit Niya ang bibig ng propetang si Isaias upang ibabala iyan, pagkaraang matapos ang Kapanahunan ng Kautusan, isasagawa ni Jehova ang Kanyang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya. Ito ang plano ni Jehova, mangyari pa, ngunit ang planong ito ay ginawa rin ayon sa mga sitwasyong namamasdan Niya noon; siguradong hindi Niya ito inisip kaagad matapos likhain si Adan. Nagpropesiya lamang si Isaias, ngunit hindi gumawa ng maagang mga paghahanda si Jehova para sa gawaing ito noong Kapanahunan ng Kautusan; sa halip, pinasimulan Niya ito sa simula ng Kapanahunan ng Biyaya, nang magpakita ang sugo sa panaginip ni Jose upang siya ay maliwanagan sa mensahe na ang Diyos ay magiging tao, at saka lamang nagsimula ang Kanyang gawain ng pagkakatawang-tao. Hindi nakapaghanda ang Diyos, na tulad ng akala ng iba, para sa Kanyang gawain ng pagkakatawang-tao matapos lamang likhain ang mundo; napagpasiyahan lamang iyon batay sa antas ng pag-unlad ng sangkatauhan at sa kalagayan ng Kanyang pakikibaka kay Satanas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

291. Ang buong pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto, at sa bawat yugto, ang mga angkop na kinakailangan ay itinatalaga sa tao. At saka, habang lumilipas at sumusulong ang mga kapanahunan, ang mga kinakailangan ng Diyos sa buong sangkatauhan ay nagiging lalong mas mataas. Kaya, isa-isang hakbang, ang gawaing ito ng pamamahala ng Diyos ay nakakaabot sa rurok nito, hanggang napagmamasdan ng tao ang katunayan ng “pagpapakita ng Salita sa katawang-tao,” at sa paraang ito ang mga kinakailangan sa tao ay mas tumataas pa, gayundin ang mga pangangailangan sa tao na sumaksi. Habang mas nakakaya ng tao na tunay na makipagtulungan sa Diyos, mas magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos. Ang pakikipagtulungan ng tao ay ang patotoo na kinakailangan sa kanya na dalhin, at ang patotoo na kanyang dinadala ay ang pagsasagawa ng tao. Samakatwid, magkakaroon man ng nararapat na bunga ang gawain ng Diyos o hindi, at kung magkakaroon man ng tunay na patotoo o hindi, ay di-naiiwasang kaugnay ng pakikipagtulungan at patotoo ng tao. Kapag natapos ang gawain, na ang ibig sabihin, kapag narating na ang katapusan ng buong pamamahala ng Diyos, kakailanganin sa tao na magpatotoo nang mas mataas, at kapag ang gawain ng Diyos ay nakakarating na sa katapusan nito, ang pagsasagawa at pagpasok ng tao ay makakarating sa rurok ng mga ito. Sa nakalipas, kinailangan sa tao na sumunod sa batas at mga kautusan, at hinihingi na siya ay maging matiisin at mapagpakumbaba. Ngayon, ang tao ay kinakailangan na sundin ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos at magtaglay ng labis na pag-ibig sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay hinihingi sa kanya na mahalin pa rin ang Diyos sa gitna ng paghihirap. Ang tatlong yugtong ito ay mga kinakailangan ng Diyos sa tao, isa-isang hakbang, sa kabuuan ng Kanyang pamamahala. Ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay mas lumalalim kaysa sa huli, at sa bawat yugto ang mga kinakailangan sa tao ay mas tumindi kaysa sa huli, at sa paraang ito, ang buong pamamahala ng Diyos ay unti-unting nabubuo. Talagang dahil sa ang mga kinakailangan sa tao ay lalo pang mas mataas kung kaya ang disposisyon ng tao ay mas lalong lumalapit sa mga pamantayang kinakailangan ng Diyos, at saka pa lamang magsisimula na unti-unting makaaalis ang buong sangkatauhan sa impluwensya ni Satanas hanggang, kapag ganap nang natapos ang gawain ng Diyos, ang buong sangkatauhan ay nailigtas na mula sa impluwensya ni Satanas. Kapag dumating ang oras na iyon, ang gawain ng Diyos ay makakarating sa katapusan nito, at ang pakikipagtulungan ng tao sa Diyos nang sa gayon ay magkamit ng mga pagbabago sa kanyang disposisyon ay wala na rin, at ang buong sangkatauhan ay mamumuhay sa liwanag ng Diyos, at mula roon, mawawala na ang pagkasuwail o paglaban sa Diyos. Wala na ring hihingin ang Diyos sa tao, at magkakaroon ng mas maayos na pagtutulungan sa pagitan ng tao at ng Diyos, isang buhay kung saan magkasama ang tao at ang Diyos, ang buhay na mararanasan pagkaraang ganap nang natapos ang pamamahala ng Diyos, at matapos na lubos na nailigtas na ng Diyos ang tao mula sa mga kamay ni Satanas. Yaong mga hindi makakasunod nang mabuti sa mga yapak ng Diyos ay walang kakayahang marating ang buhay na iyon. Maibababa na nila ang kanilang mga sarili sa kadiliman, kung saan sila ay tatangis at magngangalit ang kanilang mga ngipin; sila ay mga taong naniniwala sa Diyos ngunit hindi sumusunod sa Kanya, na naniniwala sa Diyos ngunit hindi sumusunod sa lahat ng Kanyang gawain. Yamang naniniwala ang tao sa Diyos, dapat niyang sundang mabuti ang mga yapak ng Diyos, isa-isang hakbang; dapat siyang “sumunod sa Cordero saan man Siya pumaroon.” Ang mga ito lamang ang mga taong naghahanap ng tunay na daan, sila lamang yaong mga nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong labis na sumusunod sa mga titik at mga doktrina ay yaong mga naalis na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat sakop ng panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na “si Jehova ang Diyos” at “si Jesus ang Cristo,” na mga katotohanan na nailalapat lamang sa mga naaayong kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

292. Ang Diyos Mismo ay pumaparito upang ilunsad ang kapanahunan, at pumaparito ang Diyos Mismo upang wakasan ang kapanahunan. Walang kakayahan ang tao na isagawa ang gawain ng pagsisimula ng isang kapanahunan at pagwawakas ng isang kapanahunan. Kung hindi dinala ni Jesus sa pagtatapos ang gawain ni Jehova pagkatapos Niyang dumating, ito ay magpapatunay na Siya ay tao lamang, at walang kakayahang kumatawan sa Diyos. Mismong dahil pumarito si Jesus at winakasan ang gawain ni Jehova, ipinagpatuloy ang gawain ni Jehova at, bukod pa riyan, isinagawa ang Kanyang sariling gawain, na isang bagong gawain, ito ay nagpapatunay na isa itong bagong kapanahunan, at na si Jesus ang Diyos Mismo. Sila ay nagsagawa ng dalawang magkaibang yugto ng gawain. Ang isang yugto ay isinagawa sa templo, at ang isa pa ay isinagawa sa labas ng templo. Ang isang yugto ay upang pangunahan ang pamumuhay ng tao ayon sa kautusan, at ang isa pa ay upang mag-alay ng handog para sa kasalanan. Ang dalawang yugtong ito ng gawain ay malinaw na magkaiba; ito ang humahati sa bagong kapanahunan mula sa luma, at ganap na tamang sabihin na ang mga ito ay dalawang magkaibang kapanahunan. Ang lokasyon ng Kanilang gawain ay magkaiba, at ang nilalaman ng Kanilang gawain ay magkaiba, at ang layunin ng Kanilang gawain ay magkaiba. Sa gayon, maaaring hatiin ang mga ito sa dalawang kapanahunan: ang Bago at Lumang Tipan, na ibig sabihin, ang bago at ang lumang mga kapanahunan. Nang si Jesus ay dumating hindi Siya nagpunta sa templo, na nagpapatunay na ang kapanahunan ni Jehova ay nagwakas na. Hindi Siya pumasok sa templo sapagkat ang gawain ni Jehova sa templo ay tapos na, at hindi na kailangang gawing muli, at ang gawin itong muli ay pag-uulit nito. Sa pag-alis lamang sa templo, sa pagsisimula ng isang bagong gawain at sa pagbubukas ng isang landas sa labas ng templo, na Kanyang nagawang dalhin ang gawain ng Diyos sa kasukdulan nito. Kung hindi Siya lumabas ng templo upang gawin ang Kanyang gawain, ang gawain ng Diyos ay natigil sana sa mga pundasyon ng templo, at walang magiging anumang mga pagbabago kailanman. At kaya, nang dumating si Jesus, Siya ay hindi pumasok sa templo, at hindi Niya ginawa ang Kanyang gawain sa loob ng templo. Ginawa Niya ang Kanyang gawain sa labas ng templo, at malayang nagpatuloy sa Kanyang gawain nang pinangungunahan ang mga disipulo. Ang pag-alis ng Diyos mula sa templo para gawin ang Kanyang gawain ay nangahulugan na ang Diyos ay mayroong bagong plano. Ang Kanyang gawain ay isasagawa sa labas ng templo, at ito ay magiging bagong gawain na hindi limitado sa paraan ng pagsasagawa. Pagdating na pagdating ni Jesus, winakasan Niya ang gawain ni Jehova noong kapanahunan ng Lumang Tipan. Kahit na Sila ay tinatawag sa dalawang magkaibang pangalan, ang parehong yugto ng gawain ay isinagawa ng iisang Espiritu, at ang gawain na isinagawa ay tuluy-tuloy. Dahil iba ang pangalan, at ang nilalaman ng gawain ay iba, ang kapanahunan ay iba rin. Nang dumating si Jehova, iyon ang kapanahunan ni Jehova, at nang dumating si Jesus, iyon ang kapanahunan ni Jesus. At kaya, sa bawat pagdating, ang Diyos ay tinatawag sa isang pangalan, kumakatawan sa isang kapanahunan, at nagbubukas ng isang bagong daan; at sa bawat bagong daan, Siya ay gumagamit ng bagong pangalan, na nagpapakita na ang Diyos ay laging bago at hindi kailanman luma, at na ang Kanyang gawain ay patuloy na umuunlad pasulong. Ang kasaysayan ay patuloy na sumusulong, at ang gawain ng Diyos ay patuloy na sumusulong. Upang marating ng Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala ang katapusan nito, kailangan nitong patuloy na umunlad pasulong. Kailangan Niyang magsagawa ng bagong gawain sa bawat araw, kailangan Niyang magsagawa ng bagong gawain sa bawat taon; kailangan Niyang magbukas ng mga bagong daan, magbukas ng mga bagong kapanahunan, magsimula ng bago at mas malaking gawain, at kasabay nito, magdala ng mga bagong pangalan at gawain. Ang Espiritu ng Diyos ay palaging gumagawa ng bagong gawain, at hindi kailanman kumakapit sa mga dating pamamaraan o mga patakaran. Ang Kanyang gawain ay hindi rin kailanman tumitigil, at nangyayari sa lahat ng panahon. … Mula sa gawain ni Jehova hanggang sa gawain ni Jesus, at mula sa gawain ni Jesus hanggang sa gawain sa kasalukuyang yugto, ang tatlong yugtong ito ay sumasaklaw sa kabuuang lawak ng pamamahala ng Diyos, at lahat ng ito ay gawain ng isang Espiritu. Mula nang likhain ang mundo, lagi nang pinamamahalaan ng Diyos ang sangkatauhan. Siya ang Simula at ang Wakas, Siya ang Una at ang Huli, at Siya ang Siyang nagpapasimula ng kapanahunan at Siyang naghahatid sa kapanahunan sa katapusan nito. Ang tatlong yugto ng gawain, sa magkakaibang kapanahunan at lugar, ay tiyak na gawain ng isang Espiritu. Ang lahat ng naghihiwalay sa tatlong yugtong ito ay sumasalungat sa Diyos. Ngayon, dapat mong maunawaan na ang lahat ng gawain mula sa unang yugto hanggang sa ngayon ay ang gawain ng isang Diyos, ang gawain ng isang Espiritu. Ito ay hindi mapag-aalinlanganan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

293. Nang dumating ang Panginoong Jesus, ginamit Niya ang Kanyang praktikal na mga pagkilos upang ipabatid sa mga tao na lumisan na ang Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at nagsimula na ng bagong gawain, at na hindi hiningi ng bagong gawaing ito ang pangingilin ng Sabbath. Ang paglabas ng Diyos mula sa mga hangganan ng araw ng Sabbath ay patikim pa lang ng Kanyang bagong gawain; darating pa ang tunay at dakilang gawain. Nang pasimulan ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain, iniwanan na Niya ang mga “tanikala” ng Kapanahunan ng Kautusan, at nilansag ang mga tuntunin at mga prinsipyo ng kapanahunang iyon. Para sa Kanya, walang bakas ng anumang may kaugnayan sa kautusan; itinakwil na Niya ito nang tuluyan at hindi na ito sinusunod, at hindi na Niya hinihingi sa sangkatauhan na sundin ito. Kaya nakikita mo rito na nagpunta ang Panginoong Jesus sa mga taniman ng mais sa araw ng Sabbath, at na hindi nagpahinga ang Panginoon; gumagawa Siya sa labas, at hindi nagpapahinga. Isang pagkabigla ang Kanyang pagkilos na ito sa mga kuru-kuro ng mga tao at ipinagbigay-alam nito sa kanila na hindi na Siya nabubuhay sa ilalim ng kautusan, at na iniwan na Niya ang mga hangganan ng Sabbath at nagpakita sa harap ng sangkatauhan at sa kanilang kalagitnaan sa isang bagong imahe, na may isang bagong paraan ng paggawa. Ang Kanyang pagkilos na ito ang nagpabatid sa mga tao na dala Niya ang isang bagong gawain, gawaing nagsimula sa paglabas mula sa pagiging nasa ilalim ng kautusan, at paglisan sa Sabbath. Nang isakatuparan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain, hindi na Siya nananangan sa nakaraan, at hindi na Niya iniintindi ang mga tuntunin ng Kapanahunan ng Kautusan. Ni naapektuhan Siya ng Kanyang gawain sa nakaraang kapanahunan, bagkus ay gumawa Siya sa araw ng Sabbath gaya ng ginawa Niya sa bawa’t iba pang araw, at nang nagutom ang Kanyang mga disipulo sa araw ng Sabbath, maaari silang pumitas ng mga bunga ng mais para kainin. Napakanormal ng lahat ng ito sa mga mata ng Diyos. Para sa Diyos, maaaring magkaroon ng bagong pasimula para sa karamihan ng bagong gawain na nais Niyang gawin at ng bagong mga salita na nais Niyang sabihin. Kapag nagsisimula Siya ng isang bagong bagay, hindi Niya binabanggit ang Kanyang nakaraang gawain ni ipinagpapatuloy na isakatuparan ito. Sapagka’t may mga prinsipyo ang Diyos sa Kanyang gawain, nang nais Niyang magsimula ng bagong gawain, ito ay nang nais Niyang dalhin ang sangkatauhan sa isang panibagong yugto ng Kanyang gawain, at nang ang Kanyang gawain ay papasok sa isang mas mataas na yugto. Kung patuloy na kikilos ang mga tao alinsunod sa mga lumang kasabihan o mga tuntunin o patuloy na panghawakan nang mahigpit ang mga ito, hindi Niya maaalala o sasang-ayunan iyon. Ito ay dahil nagdala na Siya ng bagong gawain, at pumasok na sa bagong yugto ng Kanyang gawain. Kapag nagpapasimula Siya ng bagong gawain, nagpapakita Siya sa sangkatauhan sa isang ganap na bagong imahe, mula sa isang ganap na bagong anggulo, at sa isang ganap na bagong pamamaraan upang makita ng mga tao ang iba’t ibang aspeto ng Kanyang disposisyon at kung anong mayroon at kung ano Siya. Ito ang isa sa Kanyang mga mithiin sa Kanyang bagong gawain. Hindi nananangan ang Diyos sa lumang mga bagay o tumatahak sa landas na madalas daanan; kapag gumagawa at nagsasalita Siya, hindi Siya mapagbawal gaya ng iniisip ng mga tao. Sa Diyos, may kalayaan at kasarinlan ang lahat, at walang pagbabawal, walang paghihigpit—pawang kalayaan at kasarinlan ang dinadala Niya sa sangkatauhan. Siya ay isang buhay na Diyos, isang Diyos na tunay, totoong umiiral. Hindi Siya isang papet o isang nililok na luwad, at lubos na naiiba Siya sa mga idolo na dinadambana at sinasamba ng mga tao. Siya ay buhay at masigla, at ang dala ng Kanyang mga salita at gawain sa mga tao ay pawang buhay at liwanag, pawang kalayaan at kasarinlan, sapagka’t hawak Niya ang katotohanan, ang buhay, at ang daan—hindi Siya nahahadlangan ng anuman sa alinman sa Kanyang gawain. Kahit anong sabihin ng mga tao at paano man nila tingnan o suriin ang Kanyang bagong gawain, isasakatuparan Niya ang Kanyang gawain nang walang pagkaligalig. Hindi Siya mag-aalala tungkol sa mga kuru-kuro o pag-aakusa ng sinuman na may kinalaman sa Kanyang gawain at mga salita, o maging sa kanilang matinding pagtutol at paglaban sa Kanyang bagong gawain. Walang sinuman sa lahat ng nilalang ang maaaring gumamit ng pantaong pangangatwiran, o pantaong imahinasyon, kaalaman, o moralidad upang sukatin o bigyang-kahulugan ang ginagawa ng Diyos, upang siraan, gambalain o isabotahe ang Kanyang gawain. Walang pagbabawal sa Kanyang gawain at sa kung ano ang Kanyang ginagawa; hindi ito mahahadlangan ng sinumang tao, ano mang pangyayari, o bagay, at hindi ito magagambala ng anumang mga puwersa ng kaaway. Pagdating sa Kanyang bagong gawain, Siya ay palaging-nagwawaging Hari, at niyuyurakan sa ilalim ng Kanyang tuntungan ang anumang mga puwersa ng kaaway at ang lahat ng erehiya at mga kamalian ng sangkatauhan. Alinmang bagong yugto ng Kanyang gawain ang Kanyang isinasakatuparan, tiyak na lilinangin at palalawakin ito sa kalagitnaan ng sangkatauhan, at tiyak na isasakatuparan nang walang hadlang sa buong sansinukob hanggang sa matapos na ang Kanyang dakilang gawain. Ito ang pagka-makapangyarihan sa lahat at karunungan ng Diyos, ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

294. Binibigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita at ginagawa ang Kanyang gawain ayon sa iba’t ibang kapanahunan, at sa iba’t ibang kapanahunan, bumibigkas Siya ng iba’t ibang salita. Ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga tuntunin, o nag-uulit ng katulad na gawain, o nakararamdam ng pangungulila para sa mga bagay ng nakaraan; Siya ay isang Diyos na laging bago at kailanma’y hindi naluluma, at bumibigkas Siya bawat araw ng mga bagong salita. Dapat kang sumunod sa mga dapat sundin ngayon; ito ang pananagutan at tungkulin ng tao. Napakahalaga na ang pagsasagawa ay nakatuon sa liwanag at mga salita ng Diyos sa kasalukuyan. Ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga tuntunin, at nagagawang magsalita mula sa maraming magkakaibang pananaw upang gawing malinaw ang Kanyang karunungan at walang-hanggang kapangyarihan. Hindi mahalaga kung Siya man ay nangungusap mula sa pananaw ng Espiritu, o ng tao, o ng ikatlong persona—ang Diyos ay palaging Diyos, at hindi mo masasabi na Siya ay hindi Diyos dahil sa pananaw ng tao mula kung saan Siya nangungusap. Sa ilang tao ay may lumitaw na mga kuru-kuro bilang bunga ng magkakaibang pananaw mula kung saan nangungusap ang Diyos. Ang ganoong mga tao ay walang pagkaalam sa Diyos, at walang kaalaman sa Kanyang gawain. Kung ang Diyos ay laging nangungusap mula sa isang pananaw, hindi ba maglalatag ang tao ng mga tuntunin tungkol sa Diyos? Mapahihintulutan kaya ng Diyos na kumilos ang tao sa ganoong paraan? Mula sa alinmang pananaw nangungusap ang Diyos, may mga layunin Siya sa paggawa ng ganoon. Kung ang Diyos ay laging mangungusap mula sa pananaw ng Espiritu, magagawa mo kayang makipag-ugnayan sa Kanya? Kaya, kung minsan ay nangungusap Siya sa ikatlong persona upang pagkalooban ka ng Kanyang mga salita at gabayan ka tungo sa realidad. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay naaangkop. Sa maikling salita, ginagawa itong lahat ng Diyos, at hindi mo ito dapat pagdudahan. Siya ay Diyos, at kaya kung saang pananaw man siya nagsasalita, lalagi Siyang Diyos. Ito ay isang di-nababagong katotohanan. Paano man Siya gumagawa, Siya ay Diyos pa rin, at ang pinakadiwa Niya ay hindi magbabago! Mahal na mahal ni Pedro ang Diyos at isang tao siya na kaayon ng puso ng Diyos, ngunit hindi siya sinaksihan ng Diyos bilang Panginoon o Cristo, sapagkat ang diwa ng isang nilalang ay kung ano iyon, at hindi kailanman magbabago. Sa Kanyang gawain, hindi sumusunod ang Diyos sa mga tuntunin, kundi gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan upang gawing mabisa ang Kanyang gawain at mapalalim ang kaalaman ng tao sa Kanya. Ang bawat paraan Niya ng paggawa ay nakatutulong sa tao na makilala Siya, at upang gawing perpekto ang tao. Anumang paraan ng paggawa ang ginagamit Niya, ang bawat isa ay upang buuin ang tao at gawing perpekto ang tao. Bagama’t ang isa sa Kanyang paraan ng paggawa ay tumagal na nang napakahabang panahon, ito ay upang mapahinahon ang pananampalataya ng tao sa Kanya. Kaya’t dapat ay walang alinlangan sa inyong puso. Ang lahat ng ito ang mga hakbang sa gawain ng Diyos, at dapat ninyong sundin ang mga ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos

295. Ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ay dumating higit sa lahat upang magsalita ng mga salita Niya, upang ipaliwanag ang lahat ng kinakailangan sa buhay ng tao, upang ituro kung ano ang dapat pasukin ng tao, upang ipakita sa tao ang mga gawa ng Diyos, at upang ipakita sa tao ang karunungan, kapangyarihan sa lahat, at pagiging kamangha-mangha ng Diyos. Sa pamamagitan ng maraming mga pamamaraan ng pagsasalita ng Diyos, napagmamasdan ng tao ang pagiging kataas-taasan ng Diyos, ang kalakhan ng Diyos, at, bukod dito, ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Diyos. Nakikita ng tao na kataas-taasan ang Diyos, ngunit na mapagpakumbaba at tago Siya, at maaaring maging pinakamaliit sa lahat. Ang ilan sa mga salita Niya ay mismong sinasalita mula sa pananaw ng Espiritu, ang ilan ay mula mismo sa pananaw ng tao, at ang ilan ay mula sa pananaw ng ikatlong tao. Dito, maaaring makita na ang paraan ng gawain ng Diyos ay nagkakaiba-iba nang malaki, at sa pamamagitan ng mga salita ay pinahihintulutan Niyang makita ito ng tao. Parehong normal at tunay ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at kaya naman ang pangkat ng mga tao sa mga huling araw ay isasailalim sa pinakamatindi sa lahat ng mga pagsubok. Dahil sa pagiging normal at realidad ng Diyos, nakapasok ang lahat ng mga tao sa gitna ng ganitong mga pagsubok; na nakalusong ang tao sa mga pagsubok ng Diyos ay dahil sa pagiging normal at realidad ng Diyos. Noong kapanahunan ni Jesus, walang mga kuru-kuro o mga pagsubok. Dahil karamihan sa gawaing ginawa ni Jesus ay naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, sinundan Siya ng mga tao, at wala silang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya. Ang mga pagsubok sa ngayon ang pinakamatinding hinaharap ng tao, at kapag sinabing ang mga taong ito ay lumabas mula sa malaking kapighatian, ito ang kapighatiang tinutukoy. Ngayon, nagsasalita ang Diyos upang maging sanhi ng pananampalataya, pagmamahal, pagtanggap sa pagdurusa, at pagsunod sa mga taong ito. Ang mga salitang sinasabi ng Diyos na nagkatawang-tao ng mga huling araw ay sinasabi alinsunod sa diwang kalikasan ng tao, sa pag-uugali ng tao, at sa kung saan dapat pumasok ang tao ngayon. Parehong tunay at normal ang mga salita Niya: Hindi Siya nagsasalita tungkol sa bukas, ni hindi rin Siya lumilingon sa kahapon; nagsasalita lamang Siya tungkol sa kung ano ang dapat na pasukin, maisagawa, at maunawaan ngayon. Kung, sa kasalukuyan, mayroong isang taong lalabas na kayang magpakita ng mga tanda at mga kababalaghan, magtaboy ng mga demonyo, magpagaling ng mga may sakit, at gumawa ng maraming himala, at kung ang taong ito ay inangking siya si Jesus na dumating, isa itong huwad na ginawa ng mga masasamang espiritung gumagaya kay Jesus. Tandaan ito! Hindi inuulit ng Diyos ang magkaparehong gawain. Nakumpleto na ang yugto ng gawain ni Jesus, at hindi na muling pangangasiwaan ng Diyos ang yugtong iyon ng gawain. Ang gawain ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga kuru-kuro ng tao; halimbawa, hinulaan ng Lumang Tipan ang pagdating ng isang Mesiyas, at ang resulta ng propesiyang ito ay ang pagdating ni Jesus. Yamang nangyari na ito, magiging mali na may panibagong Mesiyas na darating. Dumating nang minsan si Jesus, at magiging mali kung darating pang muli si Jesus sa oras na ito. Mayroong isang pangalan para sa bawat kapanahunan, at nagtataglay ang bawat pangalan ng paglalarawan ng kapanahunang ito. Sa mga kuru-kuro ng tao, dapat palaging magpakita ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, dapat palaging magpagaling ng mga may sakit at magtaboy ng mga demonyo, at dapat palaging maging katulad ni Jesus. Subalit sa oras na ito, hindi ganoon ang Diyos. Kung, sa mga huling araw, nagpapakita pa rin ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, at nagtataboy pa rin ng mga demonyo at nagpapagaling ng mga may sakit—kung gagawin Niya ang eksaktong ginawa ni Jesus—uulitin ng Diyos ang kaparehong gawain, at mawawalan ng kabuluhan o halaga ang gawain ni Jesus. Kaya naman, isinasakatuparan ng Diyos ang isang yugto ng gawain sa bawat kapanahunan. Kapag natapos na ang bawat yugto ng gawain Niya, agad itong ginagaya ng mga masasamang espiritu, at pagkatapos simulang sundan ni Satanas ang mga yapak ng Diyos, lumilipat ang Diyos tungo sa ibang kaparaanan. Kapag natapos na ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, ginagaya ito ng mga masasamang espiritu. Dapat malinaw kayo tungkol dito. Bakit iba ang gawain ng Diyos ngayon sa gawain ni Jesus? Bakit hindi nagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi nagtataboy ng mga demonyo, at hindi nagpapagaling ng mga may sakit ang Diyos ngayon? Kung kapareho ang gawain ni Jesus sa gawaing nagawa na noong Kapanahunan ng Kautusan, maaari bang nagawa Niyang katawanin ang Diyos ng Kapanahunan ng Biyaya? Maaari bang natapos Niya ang gawain ng pagpapapako sa krus? Kung, gaya ng Kapanahunan ng Kautusan, pumasok si Jesus sa templo at tinupad ang Araw ng Kapahingahan, walang uusig sa Kanya at yayapusin ng lahat. Kung gayon, maipapako ba Siya sa krus? Matatapos kaya Niya ang gawain ng pagtubos? Ano ang magiging punto kung nagpakita ng mga tanda at mga kababalaghan ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga huling araw, tulad ng ginawa ni Jesus? Tanging kung gagawa lamang ang Diyos ng isa pang bahagi ng gawain Niya sa mga huling araw, isang kumakatawan sa isang bahagi ng plano ng pamamahala Niya, maaaring makamit ng tao ang mas malalim na kaalaman sa Diyos, at tanging doon lamang matatapos ang plano ng pamamahala ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Gawain ng Diyos Ngayon

296. Sa mga huling araw, pangunahing gumagamit ang Diyos ng salita upang gawing perpekto ang tao. Hindi Siya gumagamit ng mga tanda at mga kababalaghan upang apihin ang tao, o hikayatin ang tao; hindi nito makakayang gawing malinaw ang kapangyarihan ng Diyos. Kung nagpakita lamang ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, kung gayon ay magiging imposible na gawing malinaw ang realidad ng Diyos, at sa gayon ay imposibleng gawing perpekto ang tao. Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, bagkus ay gumagamit ng salita upang diligan at patnubayan ang tao, pagkatapos nito ay ang pagtatamo ng ganap na pagkamasunurin ng tao at pagkakilala ng tao sa Diyos. Ito ang layunin ng gawaing ginagawa Niya at ng mga salitang winiwika Niya. Hindi ginagamit ng Diyos ang paraan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan upang gawing perpekto ang tao—gumagamit Siya ng mga salita, at gumagamit ng maraming iba’t ibang pamamaraan ng gawain upang gawing perpekto ang tao. Maging ito man ay ang pagpipino, pakikitungo, pagtatabas, o pagtutustos ng mga salita, nagsasalita ang Diyos mula sa maraming iba’t ibang perspektibo upang gawing perpekto ang tao, at upang bigyan ang tao ng mas malaking kaalaman sa gawain, karunungan at pagiging kamangha-mangha ng Diyos. Kapag ang tao ay nagagawang ganap sa panahon na tinatapos ng Diyos ang kapanahunan sa mga huling araw, magiging kwalipikado siya na tumingin sa mga tanda at himala. Kapag nakilala mo ang Diyos at nagawa mong sundin ang Diyos anuman ang gawin Niya, hindi ka na magkakaroon ng anumang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya kapag nakakita ka ng mga tanda at kababalaghan. Sa sandaling ito, ikaw ay tiwali at walang kakayahang ganap na sumunod sa Diyos—iniisip mo ba na kwalipikado kang makakita ng mga tanda at mga kababalaghan sa ganitong kalagayan? Kapag nagpapamalas ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, iyan na ang pagpaparusa ng Diyos sa tao, at gayundin, kapag nagbabago ang kapanahunan, at, dagdag pa, kapag nagwawakas ang kapanahunan. Kapag normal na isinasakatuparan ang gawain ng Diyos, hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan. Napakadali para sa Kanya na magpakita ng mga tanda at mga kababalaghan, ngunit hindi iyan ang prinsipyo ng gawain ng Diyos, o ang layunin ng pamamahala ng Diyos sa tao. Kapag nakakita ang tao ng mga tanda at mga kababalaghan, at kung magpapakita sa tao ang espirituwal na katawan ng Diyos, hindi kaya maniniwala sa Diyos ang lahat ng tao? Dati Ko nang nasabi na natatamo mula sa Silangan ang isang pangkat ng mga mananagumpay, mga mananagumpay na nagmumula sa gitna ng malaking kapighatian. Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ang ibig sabihin ng mga ito ay ang mga taong ito na natamo na ay tunay lamang na sumunod matapos dumaan sa paghatol at pagkastigo, at pakikitungo at pagtatabas, at lahat ng uri ng pagpipino. Hindi malabo at mahirap unawain, bagkus ay tunay ang paniniwala ng mga ganoong tao. Hindi pa sila nakakakita ng anumang mga tanda at kababalaghan, o anumang mga himala; hindi sila nagsasalita ng malalabong titik at mga doktrina, o malalalim na kabatiran; sa halip, mayroon silang realidad, at mga salita ng Diyos, at isang tunay na kaalaman sa realidad ng Diyos. Ang ganoon bang grupo ay walang higit na kakayahang gawing malinaw ang kapangyarihan ng Diyos? Tunay na gawain ang gawain ng Diyos sa panahon ng mga huling araw. Noong kapanahunan ni Jesus, hindi Siya naparito upang gawing perpekto ang tao, kundi upang tubusin ang tao, at sa gayon ay nagpakita Siya ng ilang himala upang mapasunod Niya ang mga tao sa Kanya. Sapagkat pangunahing naparito Siya upang kumpletuhin ang gawain ng pagpapapako sa krus, at hindi bahagi ng gawain ng Kanyang ministeryo ang pagpapakita ng mga tanda. Ang ganoong mga tanda at mga kababalaghan ay mga gawain na ginawa upang gawing mabisa ang Kanyang gawain; ang mga iyon ay dagdag na gawain, at hindi kumakatawan sa gawain ng buong kapanahunan. Noong Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, nagpakita rin ang Diyos ng ilang tanda at mga kababalaghan—subalit tunay na gawain ang gawain ng Diyos ngayon, at tiyakang hindi Siya magpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan ngayon. Kung nagpakita Siya ng mga tanda at mga kababalaghan, mapapatapon sa kaguluhan ang tunay Niyang gawain, at hindi na Siya makakagawa pa ng anumang karagdagang gawain. Kung sinabi ng Diyos na gamitin ang salita upang gawing perpekto ang tao, ngunit nagpakita rin ng mga tanda at mga kababalaghan, magagawa bang malinaw, kung gayon, kung tunay na naniniwala o hindi ang tao sa Kanya? Kaya, hindi gumagawa ang Diyos ng ganoong mga bagay. Sadyang napakarami ng relihiyon sa loob ng tao; naparito ang Diyos sa mga huling araw upang alisin ang lahat ng relihiyosong mga kuru-kuro at mga bagay na higit-sa-karaniwan sa loob ng tao, at ipaalam sa tao ang realidad ng Diyos. Naparito Siya upang alisin ang isang larawan ng Diyos na mahirap unawain at hindi makatotohanan—sa ibang salita, isang larawan ng Diyos na hinding-hindi umiiral. At sa gayon, ang tanging bagay na mahalaga ngayon ay ang magkaroon ka ng kaalaman sa realidad! Nananaig sa lahat-lahat ang katotohanan. Gaanong katotohanan ang taglay mo ngayon? Nagpapakita ba ang lahat ng iyon ng mga tanda at mga kababalaghan ng Diyos? Makapagpapakita rin ng mga tanda at mga kababalaghan ang masasamang espiritu, ang lahat ba ng mga iyon ay Diyos? Sa kanyang paniniwala sa Diyos, ang hinahanap ng tao ay ang katotohanan, ang itinataguyod niya ay buhay, sa halip na mga tanda at mga kababalaghan. Ito ang dapat maging mithiin ng lahat niyaong naniniwala sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos

297. Ang gawain ni Jehova ay ang paglikha sa mundo, ito ang simula; ang yugto na ito ng gawain ang katapusan ng gawain, at ito ang konklusyon. Sa simula, isinagawa ang gawain ng Diyos sa mga napiling tao sa Israel, at ito ang simula ng isang bagong panahon sa pinakabanal sa lahat ng lugar. Ang huling yugto ng gawain ay isinasagawa sa pinakamarumi sa lahat ng bansa, upang hatulan ang mundo at ihatid ang kapanahunan sa isang katapusan. Sa unang yugto, ang gawain ng Diyos ay isinagawa sa pinakamaliwanag na lugar sa lahat, at ang huling yugto ay isinasagawa sa pinakamadilim na lugar sa lahat, at ang kadilimang ito ay itataboy, dadalhin ang liwanag, at ang lahat ng tao ay malulupig. Kapag ang mga tao nitong pinakamarumi at pinakamadilim sa lahat ng lugar ay nalupig na, at ang buong populasyon ay kinilala nang mayroong Diyos, na Siyang tunay na Diyos, at ang bawat tao ay lubusan nang nakumbinsi, ang katotohanang ito ay gagamitin upang isagawa ang gawain ng panlulupig sa buong sansinukob. Ang yugtong ito ng gawain ay mayroong sinasagisag: Kapag natapos na ang gawain sa kapanahunang ito, ang gawain ng anim na libong taon ng pamamahala ay darating sa isang ganap na katapusan. Sa oras na yaong mga nasa pinakamadilim sa lahat ng lugar ay nalupig na, tiyak na ganoon din ang mangyayari sa iba pang lugar. Sa gayon, tanging ang gawain ng panlulupig sa Tsina ang nagtataglay ng makabuluhang pagsagisag. Kinakatawan ng Tsina ang lahat ng puwersa ng kadiliman, at ang mga tao sa Tsina ay kumakatawan sa lahat ng mula sa laman, kay Satanas, at sa mga mula sa laman at dugo. Ang mga Tsino ang siyang pinakalubos na ginawang tiwali ng malaking pulang dragon, ang siyang may pinakamasidhing pagsalungat sa Diyos, na ang pagkatao ay pinakamasama at marumi, at kaya sila ang tipikal na halimbawa ng buong tiwaling sangkatauhan. Hindi ito nangangahulugan na ang ibang mga bansa ay walang anumang mga suliranin ni anuman; ang mga kuru-kuro ng tao ay magkakaparehong lahat, at bagama’t ang mga tao sa mga bansang ito ay maaaring mayroong mahusay na kakayahan, kung hindi nila nakikilala ang Diyos, tiyak na kinakalaban nila Siya. Bakit sinalungat at kinalaban din ng mga Judio ang Diyos? Bakit kinalaban din Siya ng mga Fariseo? Bakit pinagtaksilan ni Judas si Jesus? Sa panahong iyon, marami sa mga disipulo ang hindi nakakilala kay Jesus. Bakit, pagkatapos ipako sa krus si Jesus at muling nabuhay, ay hindi pa rin naniwala sa Kanya ang mga tao? Hindi ba pare-pareho lamang ang pagsuway ng tao? Ang mga tao ng Tsina ay ginawa lamang halimbawa, at kapag sila ay nilupig, sila ay magiging mga modelo at uliran at magsisilbing sanggunian para sa iba. Bakit Ko palaging sinasabi na kayo ay mga karagdagan sa Aking plano ng pamamahala? Sa mga tao sa Tsina naipakikita nang pinakabuong-buo at nabubunyag sa iba’t ibang mga anyo nito ang katiwalian, karumihan, di-pagkamakatuwiran, pagtutol, at ang pagiging mapanghimagsik. Sa isang banda, sila ay may mahinang kakayahan, at sa kabilang banda, ang kanilang mga buhay at pag-iisip ay paurong, at ang kanilang mga gawi, kapaligirang panlipunan, pamilya ng kapanganakan—ang lahat ay kaawa-awa at pinakapaurong. Ang kanilang katayuan ay mababa rin. Ang gawain sa lugar na ito ay may sinasagisag, at matapos maisagawa ang gawaing pagsusuri na ito sa kabuuan nito, ang susunod na gawain ng Diyos ay magiging higit na madali. Kung matatapos ang hakbang na ito ng gawain, ang susunod na gawain ay matitiyak. Sa oras na matapos na ang hakbang na ito ng gawain, lubos nang nakamit ang malaking tagumpay, at ang gawain ng panlulupig sa buong sansinukob ay dumating na sa isang ganap na katapusan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 2

298. Nagawa ng Diyos na nag-iisang tuon ng Kanyang gawain ang grupong ito ng mga tao sa buong sansinukob. Isinakripisyo na Niya ang lahat ng dugo sa Kanyang puso para sa inyo; binawi at ibinigay na Niya sa inyo ang buong gawain ng Espiritu sa buong sansinukob. Ito ang dahilan kung bakit kayo ang mapapalad. Bukod pa rito, inilipat na Niya ang Kanyang kaluwalhatian mula sa Israel, ang mga taong Kanyang hinirang, sa inyo, at lubos Niyang ipamamalas ang layunin ng Kanyang plano sa pamamagitan ng grupong ito. Samakatuwid, kayo ang mga tatanggap ng pamana ng Diyos, at higit pa rito, kayo ang mga tagapagmana ng kaluwalhatian ng Diyos. Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: “Sapagka’t ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan.” Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na kumokontra sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at matagal isakatuparan ang marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng paghihirap na ito ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagdurusa ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang kakayahan, at sa pamamagitan ng lahat ng napakasamang disposisyon ng mga tao ng maruming lupaing ito ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagdadalisay at paglupig, upang, mula rito, magkamit Siya ng kaluwalhatian, at makamit Niya yaong mga magpapatotoo sa Kanyang mga gawa. Ganyan ang buong kabuluhan ng lahat ng sakripisyong nagawa ng Diyos para sa grupong ito ng mga tao. Ibig sabihin, ginagawa ng Diyos ang gawain ng panlulupig sa pamamagitan ng mga kumokontra sa Kanya, at sa gayon lamang maipamamalas ang malaking kapangyarihan ng Diyos. Sa madaling salita, yaon lamang mga nasa maruming lupain ang karapat-dapat na magmana ng kaluwalhatian ng Diyos, at ito lamang ang magpapabukod-tangi sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit sa maruming lupain, at sa mga yaon na naninirahan doon, nakakamit ang kaluwalhatian ng Diyos. Ganyan ang kalooban ng Diyos. Ang yugto ng gawain ni Jesus ay kapareho nito: Maaari lamang Siyang magtamo ng kaluwalhatian sa gitna ng mga Fariseo na umusig sa Kanya; kung hindi sa pag-uusig ng mga Fariseo at sa pagkakanulo ni Judas, hindi sana napagtawanan o nasiraang-puri si Jesus, lalong hindi sana Siya ipinako sa krus, at sa gayon ay hindi sana Siya nagkamit ng kaluwalhatian. Kung saan gumagawa ang Diyos sa bawat kapanahunan, at kung saan Siya gumagawa ng Kanyang gawain sa katawang-tao, doon Siya nagkakamit ng kaluwalhatian at doon Niya nakakamit yaong mga nais Niyang makamtan. Ito ang plano ng gawain ng Diyos, at ito ang Kanyang pamamahala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?

299. Sa plano ng Diyos ng ilang libong taon, dalawang bahagi ng gawain ang ginagawa sa katawang-tao: Ang una ay ang gawaing maipako sa krus, kung saan Siya ay nagtatamo ng kaluwalhatian; ang isa pa ay ang gawain ng panlulupig at pagpeperpekto sa mga huling araw, kung saan Siya ay nagtatamo ng kaluwalhatian. Ito ang pamamahala ng Diyos. Kaya huwag ninyong ituring na simpleng bagay ang gawain ng Diyos, o ang tagubilin ng Diyos sa inyo. Lahat kayo ay mga tagapagmana sa sobra-sobra at walang-hanggang bigat ng kaluwalhatian ng Diyos, at ito ay espesyal na itinalaga ng Diyos. Sa dalawang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian, ang isa ay nakikita sa inyo; ang kabuuan ng isang bahagi ng kaluwalhatian ng Diyos ay ipinagkaloob na sa inyo, upang siyang maging inyong pamana. Ito ang pagdadakila sa inyo ng Diyos, at ito rin ang plano na matagal na Niyang paunang natukoy. Dahil sa kadakilaan ng gawaing nagawa ng Diyos sa lupain kung saan nananahan ang malaking pulang dragon, kung nalipat ang gawaing ito sa ibang lugar, matagal na sana itong nagkaroon ng maraming bunga at madaling natanggap ng tao. Bukod pa rito, naging napakadali sanang tanggapin ang gawaing ito para sa mga pastor ng Kanluran na naniniwala sa Diyos, sapagkat ang yugto ng gawain ni Jesus ay nagsisilbing isang huwaran. Ito ang dahilan kung bakit hindi nagawang makamit ng Diyos ang yugtong ito ng gawain ng pagkakamit ng luwalhati sa ibang lugar; kapag sinusuportahan ng mga tao at kinikilala ng mga bansa ang gawain, hindi magiging matatag ang kaluwalhatian ng Diyos. Ito mismo ang pambihirang kabuluhang taglay ng yugtong ito ng gawain sa lupaing ito. Walang isa man sa inyo ang protektado ng batas—sa halip, kayo ay pinapahintulutan ng batas. Ang mas malaking problema pa ay hindi kayo nauunawaan ng mga tao: Mga kamag-anak man ninyo, mga magulang, mga kaibigan, o mga kasamahan, walang isa man sa kanila ang nakakaunawa sa inyo. Kapag kayo ay pinabayaan ng Diyos, imposibleng patuloy kayong mamuhay sa lupa, ngunit magkagayon man, hindi kaya ng mga tao na mapalayo sa Diyos, na siyang kabuluhan ng paglupig ng Diyos sa mga tao, at siyang kaluwalhatian ng Diyos. Ang namana ninyo sa araw na ito ay higit pa sa namana ng mga apostol at propeta sa lahat ng panahon at higit pa sa namana nina Moises at Pedro. Ang mga pagpapala ay hindi matatanggap sa loob ng isa o dalawang araw; ang mga iyon ay kailangang makamtan sa pamamagitan ng malaking sakripisyo. Ibig sabihin, kailangan kayong magtaglay ng pagmamahal na nagdaan na sa pagpipino, kailangan kayong magkaroon ng malaking pananampalataya, at kailangan kayong magkaroon ng maraming katotohanang hinihiling ng Diyos na inyong matamo; bukod pa rito, kailangang bumaling kayo sa katarungan, nang hindi tinatakot o umiiwas, at kailangang magkaroon kayo ng pagmamahal sa Diyos na tuluy-tuloy hanggang kamatayan. Kailangang magkaroon kayo ng determinasyon, kailangang magkaroon ng mga pagbabago sa inyong disposisyon sa buhay, kailangang malunasan ang inyong katiwalian, kailangang tanggapin ninyo ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos nang walang reklamo, at kailangang maging masunurin kayo maging hanggang kamatayan. Ito ang dapat ninyong makamit, ito ang panghuling layunin ng gawain ng Diyos, at ito ang hinihiling ng Diyos sa grupong ito ng mga tao. Dahil nagbibigay Siya sa inyo, gayundin naman tiyak na may hihilingin Siya bilang kapalit, at tiyak na hihingi Siya ng akmang mga kahilingan sa inyo. Samakatuwid, may dahilan ang lahat ng gawain ng Diyos, na nagpapakita kung bakit, paulit-ulit, gumagawa ang Diyos ng gawaing nagtatakda ng matataas na pamantayan at mahihigpit na kinakailangan. Ito ang dahilan kaya dapat kayong mapuspos ng pananampalataya sa Diyos. Sa madaling salita, lahat ng gawain ng Diyos ay ginagawa para sa inyong kapakanan, nang sa gayon ay maging karapat-dapat kayong tumanggap ng Kanyang pamana. Hindi ito gaanong para sa kapakanan ng sariling kaluwalhatian ng Diyos kundi para sa kapakanan ng inyong kaligtasan at para sa pagpeperpekto sa grupong ito ng mga tao na lubhang napahirapan sa maruming lupain. Dapat ninyong unawain ang kalooban ng Diyos. Kaya nga, pinapayuhan Ko ang maraming taong mangmang na walang anumang kabatiran o katinuan: Huwag ninyong subukin ang Diyos, at huwag na kayong lumaban. Nagtiis na ang Diyos ng pagdurusang hindi kailanman tiniis ng tao, at matagal nang nagtiis maging ng mas matinding kahihiyan alang-alang sa tao. Ano pa ang hindi ninyo kayang bitawan? Ano pa ang mas mahalaga kaysa sa kalooban ng Diyos? Ano pa ang hihigit kaysa sa pagmamahal ng Diyos? Sapat nang nahirapan ang Diyos na isagawa ang Kanyang gawain sa maruming lupaing ito; kung, bukod pa rito, sadya at kusang sumusuway ang tao, kailangang tagalan pa ang gawain ng Diyos. Sa madaling salita, hindi ito para sa pinakamabuting kapakanan ng isang tao, walang pakinabang ito kaninuman. Walang sinusunod na panahon ang Diyos; ang Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian ang nauuna. Samakatuwid, isasakripisyo Niya ang lahat para sa Kanyang gawain, gaano man ito katagal. Ito ang disposisyon ng Diyos: Hindi Siya magpapahinga hangga’t hindi natatapos ang Kanyang gawain. Magwawakas lamang ang Kanyang gawain kapag natamo Niya ang ikalawang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian. Kung sa buong sansinukob ay hindi matatapos ng Diyos ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain ng pagtatamo ng kaluwalhatian, hindi darating kailanman ang Kanyang araw, hindi lilisanin ng Kanyang kamay ang mga taong Kanyang hinirang, hindi sasapit ang Kanyang kaluwalhatian sa Israel kailanman, at hindi matatapos ang Kanyang plano kailanman. Dapat ninyong makita ang kalooban ng Diyos, at dapat ninyong makita na ang gawain ng Diyos ay hindi kasing-simple ng paglikha sa mga kalangitan at sa lupa at sa lahat ng bagay. Iyan ay dahil ang gawain sa ngayon ay ang pagbabago ng mga yaong nagawang tiwali, na naging labis na manhid, iyon ay para dalisayin yaong mga nilikha ngunit inimpluwensyahan ni Satanas. Hindi iyon ang paglikha kay Adan o kay Eba, lalong hindi iyon ang paglikha ng liwanag, o ang paglikha ng lahat ng halaman at hayop. Ginagawang dalisay ng Diyos ang lahat ng bagay na nagawang tiwali ni Satanas at pagkatapos ay muli silang inaangkin; nagiging mga bagay sila na pag-aari Niya, at nagiging Kanyang kaluwalhatian. Hindi ito katulad ng inaakala ng tao, hindi ito kasing-simple ng paglikha ng kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay na naroon, o ang gawaing sumpain si Satanas sa walang-hanggang kalaliman; sa halip, ito ang gawaing baguhin ang tao—ang mga bagay na negatibo at hindi sa Kanya ay ginagawang mga bagay na positibo at Kanya nga. Ito ang katotohanan sa likod ng yugtong ito ng gawain ng Diyos. Kailangan ninyo itong maunawaan, at iwasan ang sobrang pagpapasimple ng mga bagay-bagay. Ang gawain ng Diyos ay hindi katulad ng anumang karaniwang gawain. Ang pagiging kamangha-mangha at karunungan nito ay hindi kayang isipin ng tao. Hindi nililikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa yugtong ito ng gawain, ngunit hindi rin Niya winawasak ang mga iyon. Sa halip, binabago Niya ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha, at dinadalisay ang lahat ng bagay na narungisan ni Satanas. Kaya nga sinisimulan ng Diyos ang isang napakalaking gawain, na siyang buong kabuluhan ng gawain ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?

300. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang pamamahala sa mga tao upang talunin si Satanas. Sa pagtitiwali sa mga tao, tinatapos ni Satanas ang kanilang kapalaran at ginagambala ang gawain ng Diyos. Sa kabilang dako, ang gawain ng Diyos ay ang pagliligtas sa sangkatauhan. Aling hakbang ng gawain ng Diyos ang hindi para iligtas ang sangkatauhan? Aling hakbang ang hindi para linisin ang mga tao, at pakilusin sila nang matuwid at mamuhay sa larawan ng mga taong maaaring mahalin? Gayunman, hindi ito ginagawa ni Satanas. Ginagawa nitong tiwali ang sangkatauhan; patuloy nitong isinasagawa ang gawain nitong gawing tiwali ang sangkatauhan sa buong sansinukob. Siyempre pa, ginagawa rin ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, at hindi pinapansin si Satanas. Gaano man kalaki ang awtoridad ni Satanas, ang awtoridad na iyon ay bigay pa rin dito ng Diyos; hindi talaga basta ibinigay ng Diyos ang Kanyang buong awtoridad, kaya nga anuman ang gawin ni Satanas, hindi nito kayang lampasan ang Diyos at palagi itong magiging nasa mga kamay ng Diyos. Hindi ipinakita ng Diyos ang anuman sa Kanyang mga kilos habang nasa langit. Binigyan lamang Niya si Satanas ng maliit na bahagi ng awtoridad at tinulutan itong magkaroon ng kontrol sa iba pang mga anghel. Samakatuwid, anuman ang gawin ni Satanas, hindi nito kayang lampasan ang awtoridad ng Diyos, dahil ang awtoridad na orihinal na ipinagkaloob dito ng Diyos ay limitado. Habang gumagawa ang Diyos, nanggagambala si Satanas. Sa mga huling araw, ang mga paggambala nito ay matatapos; matatapos din ang gawain ng Diyos, at ang uri ng mga taong nais gawing ganap ng Diyos ay makukumpleto. Pinapatnubayan ng Diyos ang mga tao nang positibo; ang Kanyang buhay ay tubig na buhay, hindi masusukat at walang hangganan. Nagawang tiwali ni Satanas ang tao kahit paano; sa huli, gagawing ganap ng tubig na buhay ng buhay ang tao, at magiging imposibleng makialam at magsagawa si Satanas ng gawain nito. Sa gayon, lubos na maaangkin ng Diyos ang mga taong ito. Kahit ngayon, ayaw pa rin itong tanggapin ni Satanas; patuloy nitong inilalaban ang sarili sa Diyos, ngunit hindi Niya ito pinapansin. Sabi ng Diyos, “Magiging matagumpay Ako laban sa lahat ng puwersa ng kadiliman ni Satanas at laban sa lahat ng impluwensya ng kadiliman.” Ito ang gawaing kailangang isagawa ngayon sa katawang-tao, at ito rin ang dahilan kaya makabuluhan ang maging tao: ibig sabihin, upang tapusin ang yugto ng gawaing talunin si Satanas sa mga huling araw, at lipulin ang lahat ng bagay na pag-aari ni Satanas. Hindi maiiwasan ang tagumpay ng Diyos laban kay Satanas! Ang totoo, matagal nang nabigo si Satanas. Nang magsimulang lumaganap ang ebanghelyo sa buong lupain ng malaking pulang dragon—ibig sabihin, nang simulan ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain at pagalawin ang gawaing ito—lubos na natalo si Satanas, sapagkat ang pinaka-layunin ng pagkakatawang-tao ay upang lupigin si Satanas. Nang makita ni Satanas na minsan pang naging tao ang Diyos at nagsimulang magsagawa ng Kanyang gawain, na hindi mapigil ng anumang puwersa, sa gayon ay natulala ito nang makita ang gawaing ito, at hindi nangahas na gumawa ng anumang iba pang kalokohan. Noong una, akala ni Satanas ay pinagkalooban din ito ng maraming karunungan, at ginambala at niligalig nito ang gawain ng Diyos; gayunman, hindi nito inasahan na minsan pang magiging tao ang Diyos, o na sa Kanyang gawain, gagamitin ng Diyos ang pagkasuwail ni Satanas upang magsilbing isang paghahayag at paghatol sa sangkatauhan, nang sa gayon ay malupig ang mga tao at matalo si Satanas. Mas matalino ang Diyos kaysa kay Satanas, at ang Kanyang gawain ay higit pa kaysa rito. Kaya nga, isinaad Ko na dati, “Ang gawaing Aking ginagawa ay isinasagawa bilang tugon sa mga pandaraya ni Satanas; sa huli, ipapakita Ko ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat at ang kawalan ng kapangyarihan ni Satanas.” Gagawin ng Diyos ang Kanyang gawain sa unahan, samantalang bubuntot naman si Satanas sa likuran, hanggang ito, sa huli, ay tuluyang mawasak—ni hindi nito malalaman kung ano ang tumama rito! Matatanto lamang nito ang katotohanan kapag nadurog at nadikdik na ito, at sa oras na iyon, nasunog na ito sa lawa ng apoy. Hindi ba lubos na itong makukumbinsi sa oras na iyon? Sapagkat wala nang magagamit na mga pakana si Satanas sa oras na iyon!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

301. Sa bansa ng malaking pulang dragon, nagawa Ko na ang isang yugto ng gawain na hindi maarok ng mga tao, na dahilan upang umindayog sila sa hangin, pagkatapos ay marami ang tahimik na natatangay ng ihip ng hangin. Totoo, ito ang “giikan” na malapit Ko nang linisin; ito ang kinasasabikan Ko at ito rin ang plano Ko. Sapagkat maraming masasamang nakapasok habang gumagawa Ako, ngunit hindi Ako nagmamadaling itaboy sila. Bagkus, ikakalat Ko sila pagdating ng tamang panahon. Pagkatapos lamang noon Ako magiging bukal ng buhay, na nagtutulot sa mga tunay na nagmamahal sa Akin na matanggap mula sa Akin ang bunga ng puno ng igos at ang halimuyak ng liryo. Sa lupain kung saan pansamantalang naninirahan si Satanas, ang lupain ng alikabok, walang nananatiling purong ginto, buhangin lamang, kaya nga, sa pagtugon sa mga sitwasyong ito, ginagawa Ko ang yugtong ito ng gawain. Dapat mong malaman na ang natatamo Ko ay puro at dalisay na ginto, hindi buhangin. Paano makakapanatili ang masasama sa Aking bahay? Paano Ko matutulutan ang mga soro na maging mga parasito sa Aking paraiso? Ginagamit Ko ang lahat ng maiisip na pamamaraan para itaboy ang mga ito. Bago mabunyag ang Aking kalooban, walang nakakaalam sa gagawin Ko. Para masamantala ang pagkakataong ito, itinataboy Ko yaong masasama, at napipilitan silang umalis sa Aking harapan. Ito ang ginagawa Ko sa masasama, ngunit darating pa rin ang araw na maglilingkod sila sa Akin. Napakatindi ng pagnanasa ng mga tao sa mga pagpapala; samakatuwid pumipihit Ako at ipinapakita Ko ang Aking maluwalhating mukha sa mga Gentil, para mabuhay ang lahat ng tao sa isang mundong sarili nila at husgahan ang kanilang sarili, habang patuloy Kong binibigkas ang mga salitang dapat Kong bigkasin, at ipinagkakaloob sa mga tao ang kanilang kailangan. Kapag natauhan ang mga tao, matagal Ko nang naipalaganap ang Aking gawain. Sa gayo’y ipapahayag Ko ang Aking kalooban sa mga tao, at sisimulan Ko ang ikalawang bahagi ng Aking gawain sa kanila, na hinahayaan silang lahat na sundan Akong mabuti para makatugma sa Aking gawain, at hinahayaan silang gawin ang lahat ng kanilang magagawa upang maisagawang kasama Ko ang gawaing kailangan Kong gawin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob

302. Sa Aking plano, palagiang nakasunod si Satanas sa bawat hakbang at, bilang hambingan ng Aking karunungan, ay laging sinusubukang makahanap ng mga paraan upang gambalain ang Aking orihinal na plano. Subalit maaari ba Akong sumuko sa mapanlinlang na mga pakana nito? Lahat ng nasa langit at nasa lupa ay naglilingkod sa Akin; maaari pa bang maiba ang mapanlinlang na mga pakana ni Satanas? Dito mismo nagsasalikop ang Aking karunungan; ito mismo ang kamangha-mangha sa Aking mga gawa, at ito ang prinsipyo ng pagpapatakbo para sa Aking buong plano ng pamamahala. Sa panahon ng pagtatayo ng kaharian, hindi Ko pa rin iniiwasan ang mapanlinlang na mga pakana ni Satanas, kundi patuloy Kong ginagawa ang gawaing kailangan Kong gawin. Sa sansinukob at sa lahat ng bagay, napili Ko na ang mga gawa ni Satanas bilang Aking hambingan. Hindi ba ito pagpapakita ng Aking karunungan? Hindi ba ito mismo ang kamangha-mangha tungkol sa Aking gawain? Sa panahon ng pagpasok sa Kapanahunan ng Kaharian, lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay lubos na nabago, at sila ay nagdiriwang at nagsasaya. Naiiba ba kayo? Kaninong puso ang walang tamis ng pulot? Sino ang hindi nag-uumapaw sa kagalakan? Sino ang hindi sumasayaw sa tuwa? Sino ang hindi sumasambit ng mga salita ng papuri?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 8

303. Kapag nagawa nang ganap ang lahat ng tao at naging kaharian ni Cristo ang lahat ng bansa sa daigdig, iyon na ang panahon kung kailan dadagundong ang pitong kulog. Ang kasalukuyang panahon ay isang hakbang pasulong sa yugtong iyon; nailabas na ang utos tungo sa panahong iyon. Ito ang plano ng Diyos, at magkakatotoo ito sa malapit na hinaharap. Gayunman, naisakatuparan na ng Diyos ang lahat ng Kanyang nabigkas. Sa gayon, malinaw na ang mga bansa ng daigdig ay mga kastilyong buhangin lamang, na nanginginig habang papalapit ang pagtaas ng tubig: Napipinto na ang huling araw, at babagsak ang malaking pulang dragon sa ilalim ng salita ng Diyos. Para matiyak na tagumpay na naisasagawa ang Kanyang plano, bumaba na ang mga anghel ng langit sa lupa, na ginagawa ang lahat upang palugurin ang Diyos. Nagpakalat na ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao sa larangan ng digmaan upang makidigma laban sa kaaway. Saanman nagpapakita ang pagkakatawang-tao ay nalilipol ang kaaway sa lugar na iyon. Unang pupuksain ang Tsina; wawasakin ito ng kamay ng Diyos. Hindi talaga maaawa ang Diyos doon. Makikita ang patunay ng mabilis na pagbagsak ng malaking pulang dragon sa patuloy na paggulang ng mga tao; maliwanag itong makikita ng sinuman. Ang paggulang ng mga tao ay isang tanda ng pagpanaw ng kaaway. Isang munting paliwanag ito kung ano ang kahulugan ng “makipaglaban.”

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 10

304. Naghahari Ako sa kaharian, at, bukod dito, naghahari Ako sa buong sansinukob; Ako’y kapwa Hari ng kaharian at Pinuno ng sansinukob. Mula sa oras na ito, titipunin Ko ang lahat ng mga hindi hinirang at magsisimula ng gawain Ko sa gitna ng mga Gentil, at ibabalita Ko ang mga atas administratibo Ko sa buong sansinukob, upang matagumpay Kong masimulan ang susunod na hakbang ng gawain Ko. Gagamit Ako ng pagkastigo upang ipalaganap ang Aking gawain sa mga Gentil, ibig sabihin, gagamit Ako ng puwersa laban sa lahat ng Gentil. Natural, ang gawaing ito ay isasakatuparan kasabay ng Aking gawain sa mga hinirang. Kapag naghahari at nagka-kapangyarihan sa lupa ang mga hinirang Ko, iyon din ang magiging araw na nalupig na ang lahat ng mga tao sa lupa, at bukod dito, ito ang magiging oras kung kailan mamamahinga Ako—at doon lamang Ako magpapakita sa lahat ng mga nalupig na. Nagpapakita Ako sa banal na kaharian, at itinatago ang sarili Ko mula sa lupain ng karumihan. Ang lahat ng nalupig na at nagiging masunurin sa harapan Ko ay nagagawang makita ang mukha Ko gamit ang kanilang sariling mga mata, at nagagawang marinig ang tinig Ko gamit ang kanilang sariling mga tainga. Ito ang pagpapala ng mga ipinanganak habang nasa mga huling araw, ito ang pagpapalang itinalaga Ko, at hindi ito mababago ng sinumang tao. Ngayon, gumagawa Ako sa ganitong paraan para sa kapakanan ng gawain ng kinabukasan. Magkakaugnay ang lahat ng gawain Ko, sa lahat ng ito, may isang panawagan at pagtugon: Hindi kailanman na biglang tumigil ang anumang hakbang, at hindi kailanman na naisakatuparan ang anumang hakbang nang malaya sa anumang iba pa. Hindi ba ito ganoon? Hindi ba ang gawain ng nakalipas ang saligan ng gawain ng kasalukuyan? Hindi ba ang mga salita ng nakalipas ang pauna sa mga salita ngayon? Hindi ba ang mga hakbang ng nakalipas ang pinagmulan ng mga hakbang ng kasalukuyan? Kapag pormal Ko nang binuksan ang balumbon, iyon ang panahon kung kailan kakastiguhin ang mga tao sa buong sansinukob, kapag isinasailalim ang mga tao sa buong mundo sa mga pagsubok, at ito ang rurok ng gawain Ko; namumuhay ang lahat ng mga tao sa isang lupaing walang liwanag, at namumuhay ang lahat ng mga tao sa gitna ng mga banta ng kapaligiran nila. Sa madaling salita, ito ang buhay na hindi pa kailanman naranasan ng tao mula sa panahon ng paglikha hanggang sa kasalukuyan, at walang sinuman sa buong mga kapanahunan ang kailanma’y “nagtamasa” sa ganitong uri ng buhay, kaya naman sinasabi Kong nagawa Ko na ang gawaing hindi pa kailanman nagawa. Ito ang tunay na kalagayan ng mga pangyayari, at ito ang panloob na kahulugan. Sapagkat papalapit na ang araw Ko sa buong sangkatauhan, sapagkat hindi ito mukhang malayo ngunit nasa mismong harapan ng mga mata ng tao, sino ang hindi matatakot bilang bunga? At sino ang hindi matutuwa dito? Sa wakas, ang maruming lungsod ng Babilonia ay dumating na sa katapusan nito; ang tao ay nakipagtagpo nang muli sa isang bagong mundo, at ang langit at lupa ay binago na at pinanariwa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 29

305. Kapag ang Sinim ay natupad sa lupa—kapag ang kaharian ay natupad—hindi na magkakaroon ng digmaan sa lupa; hindi na muling magkakaroon ng mga taggutom, salot, at lindol kailanman; ang mga tao ay hihinto sa paggawa ng mga sandata; lahat ay mamumuhay sa kapayapaan at katatagan; at magkakaroon ng mga normal na pakikitungo sa pagitan ng mga tao, at mga normal na pakikitungo sa pagitan ng mga bansa. Subalit hindi maikukumpara dito ang kasalukuyan. Lahat ng nasa silong ng kalangitan ay nagkakagulo, unti-unting nagkakaroon ng mga umaagaw sa kapangyarihan sa bawat bansa. Pagkatapos ng mga pagbigkas ng Diyos, ang mga tao ay unti-unting nagbabago, at, sa loob ng bawat bansa, dahan-dahan silang nagkakawatak-watak. Ang matitibay na pundasyon ng Babilonia ay nagsisimulang mayanig, gaya ng isang kastilyo sa buhangin, at, habang nag-iiba ang kalooban ng Diyos, nagaganap ang matitinding pagbabago nang hindi napapansin sa mundo, at lahat ng uri ng mga palatandaan ay lumilitaw anumang oras, ipinapakita sa mga tao na dumating na ang huling araw ng mundo! Ito ang plano ng Diyos; ito ang mga hakbang kung paano Siya gumagawa, at bawat bansa ay siguradong magkakapira-piraso. Ang dating Sodoma ay pupuksain sa ikalawang pagkakataon, at sa gayon ay sinasabi ng Diyos, “Bumabagsak ang sanlibutan! Paralisado ang Babilonia!” Diyos lamang Mismo ang may kakayahang maunawaan ito nang lubusan; sa kabila ng lahat, may limitasyon ang kamalayan ng mga tao. Halimbawa, maaaring alam ng mga ministro ng mga panloob na usapin na ang kasalukuyang sitwasyon ay hindi matatag at magulo, ngunit wala silang kakayahang lutasin ang mga iyon. Maaari lamang silang magpatangay sa agos, na umaasa sa kanilang puso na darating ang araw na maitataas nila ang kanilang ulo, na darating ang araw na muling sisikat ang araw sa silangan, na nagniningning sa buong lupain at binabaligtad ang miserableng kalagayan ng mga usapin. Gayunman, hindi nila alam na kapag sumikat ang araw sa ikalawang pagkakataon, ang pagsikat nito ay hindi upang ipanumbalik ang dating kaayusan—isa itong muling pagsilakbo, isang lubos na pagbabago. Ganyan ang plano ng Diyos para sa buong sansinukob. Gagawa Siya ng isang bagong mundo, ngunit, higit sa lahat, paninibaguhin muna Niya ang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 22 at 23

306. Masasabi na lahat ng binigkas ngayon ay nagpopropesiya ng mga mangyayari sa hinaharap; ang mga pahayag na ito ay ang paraan ng Diyos sa pagsasaayos para sa susunod na hakbang ng Kanyang gawain. Halos tapos na ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga tao ng iglesia, at pagkatapos ay magpapakita Siya sa lahat ng tao nang may galit. Sabi nga ng Diyos, “Papangyarihin Ko na kilalanin ng mga tao sa lupa ang Aking mga ginagawa, at mapapatunayan ang Aking mga gawa sa harap ng ‘hukuman,’ upang ang mga iyon ay kilalanin ng mga tao sa buong daigdig, na magsisisukong lahat.” May nakita ba kayong anuman sa mga salitang ito? Narito ang buod ng susunod na bahagi ng gawain ng Diyos. Una, papangyarihin ng Diyos na lubos na makumbinsi ang lahat ng asong bantay na may-kapangyarihan sa pulitika at paaatrasin sila nang may pagkukusa mula sa yugto ng kasaysayan, upang hindi na muling makipag-agawan kailanman para sa katayuan, at hindi na muling mag-abala kailanman sa mga pakana at intriga. Ang gawaing ito ay kailangang isakatuparan sa pamamagitan ng Diyos, sa pamamagitan ng pagpapadala ng iba-ibang kalamidad sa lupa. Ngunit hindi talaga sa ganitong sitwasyon magpapakita ang Diyos. Sa panahong ito, ang bansa ng malaking pulang dragon ay magiging lupain pa rin ng karumihan, at samakatuwid ay hindi magpapakita ang Diyos, kundi lalabas lamang sa pamamagitan ng pagkastigo. Ganyan ang matuwid na disposisyon ng Diyos, na hindi matatakasan ninuman. Sa panahong ito, lahat ng nananahan sa bansa ng malaking pulang dragon ay daranas ng kalamidad, na natural lamang na kasama ang kaharian sa lupa (ang iglesia). Ito ang mismong panahon kung kailan lalabas ang mga katunayan, kaya nga mararanasan ito ng lahat ng tao, at walang sinumang makakatakas. Itinalaga na ito ng Diyos. Dahil mismo sa hakbang na ito ng gawain kaya sinasabi ng Diyos, “Ngayon ang panahon upang isakatuparan ang malalaking plano.” Dahil, sa hinaharap, wala nang iglesia sa lupa, at dahil sa pagdating ng matinding kapahamakan, ang makakaya lamang isipin ng mga tao ay ang nasa harapan nila, at kaliligtaan na nila ang iba pa, at magiging mahirap para sa kanila na matamasa ang Diyos sa gitna ng matinding kapahamakan. Sa gayon, hinihiling sa mga tao na buong-puso nilang mahalin ang Diyos sa kamangha-manghang panahong ito, upang hindi sila malagpasan ng pagkakataon. Kapag lumipas na ang katunayang ito, lubusan nang natalo ng Diyos ang malaking pulang dragon, at sa gayon ay nagwakas na ang gawain ng patotoo ng mga tao ng Diyos; pagkatapos, sisimulan ng Diyos ang susunod na hakbang ng gawain, ang pagwasak sa bansa ng malaking pulang dragon, at sa kahuli-hulihan ay ipapako sa krus nang pabaligtad ang lahat ng tao sa buong sansinukob, at pagkatapos ay lilipulin Niya ang buong sangkatauhan—ito ang mga hakbang ng gawain ng Diyos sa hinaharap.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 42

307. Ang lahat ng tao ay kailangang maunawaan ang mga layunin ng Aking gawain sa daigdig, iyon ay, ang nais Kong makamit sa huli at kung anong antas ang dapat Kong makamit sa gawaing ito bago ito magiging ganap. Kung, pagkaraang maglakad na kasama Ko hanggang sa araw na ito, ang mga tao ay hindi pa nakakaunawa kung tungkol saan ang Aking gawain, hindi ba walang kabuluhan ang paglalakad nilang kasama Ko? Kung sumusunod ang mga tao sa Akin, dapat alam nila ang Aking kalooban. Gumagawa na Ako sa lupa sa loob ng libu-libong taon, at hanggang sa araw na ito, ay ginagawa Ko pa rin ang Aking gawain sa paraang ito. Bagaman maraming proyekto ang nilalaman ng Aking gawain, ang layunin ng gawaing ito ay nananatiling hindi nagbabago; halimbawa, kahit na Ako ay puno ng paghatol at pagkastigo sa tao, ang Aking ginagawa ay alang-alang pa rin sa pagliligtas sa kanya, at alang-alang sa mas mainam na pagpapalaganap ng Aking ebanghelyo at pagpapalawak pa ng Aking gawain sa lahat ng bansang Gentil sa sandaling ang tao ay nagawa nang ganap. Kaya ngayon, sa panahon kung kailan maraming tao ang matagal nang lubhang lugmok sa pagkabigo, patuloy pa rin Ako sa Aking gawain, ipinagpapatuloy ang gawain na dapat Kong gawin upang hatulan at kastiguhin ang tao. Sa kabila ng katotohanang ang tao ay puno na sa Aking sinasabi, at wala siyang pagnanasang makialam sa Aking gawain, isinasakatuparan Ko pa rin ang Aking tungkulin, sapagka’t ang layunin ng Aking gawain ay nananatiling hindi nagbabago, at ang Aking orihinal na plano ay hindi masisira. Ang silbi ng Aking paghatol ay ang bigyang-kakayahan ang tao na maging mas mahusay sa pagsunod sa Akin, at ang silbi ng Aking pagkastigo ay ang tulutan ang tao na mas mabisang mabago. Bagaman ang Aking ginagawa ay alang-alang sa Aking pamamahala, hindi Ako kailanman nakagawa ng anumang bagay na walang pakinabang sa tao, dahil nais Kong gawin ang lahat ng bansa sa labas ng Israel na kasing masunurin ng mga Israelita, at gawin silang tunay na mga tao, nang sa gayon ay may panghahawakan Ako sa mga lupain sa labas ng Israel. Ito ang Aking pamamahala; ito ang gawain na Aking tinutupad sa mga bansang Gentil. Kahit ngayon, maraming tao ang hindi pa rin nakakaunawa sa Aking pamamahala, sapagka’t wala silang interes sa mga bagay na ito, kundi may pakialam lamang sa kanilang mga sariling kinabukasan at hantungan. Kahit ano ang Aking sabihin, ang mga tao ay wala pa ring malasakit sa gawaing Aking ginagawa, sa halip ay nakatuon lamang sa kanilang mga hantungan sa hinaharap. Kung ang mga bagay-bagay ay magpapatuloy sa ganitong paraan, paano mapapalawak ang Aking gawain? Paano mapapalaganap ang Aking ebanghelyo sa buong mundo? Dapat ninyong malaman na kapag ang Aking gawain ay lumawak, ikakalat Ko kayo, at hahampasin Ko kayo, gaya ng paghampas ni Jehova sa bawat tribo ng Israel. Ang lahat ng ito ay gagawin upang mapalaganap ang Aking ebanghelyo sa buong daigdig, at makarating ito sa mga bansang Gentil, nang sa gayon ang Aking pangalan ay dadakilain ng kapwa matatanda at mga bata, at ang Aking banal na pangalan ay dadakilain ng bibig ng mga tao mula sa lahat ng tribo at bansa. Ito ay upang sa huling kapanahunang ito, dadakilain ang Aking pangalan sa mga bansang Gentil, upang makita ng mga Gentil ang Aking mga gawa at tatawagin nila Akong ang Makapangyarihan sa lahat dahil sa Aking mga gawa, at upang ang Aking mga salita ay maaaring matupad sa lalong madaling panahon. Ipaaalam Ko sa lahat ng tao na hindi lamang Ako Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng bansa ng mga Gentil, kahit na yaong Aking isinumpa. Hahayaan Kong makita ng lahat ng tao na Ako ang Diyos ng buong sangnilikha. Ito ang Aking pinakadakilang gawain, ang layunin ng Aking plano sa paggawa para sa mga huling araw, at ang tanging gawain na tutuparin sa mga huling araw.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao

308. Nakita na ba ninyo kung anong gawain ang magagawa ng Diyos sa pangkat na ito ng mga tao? Sinabi minsan ng Diyos, kahit na sa Milenyong Kaharian ay dapat pa ring sundin ng mga tao ang mga pagbigkas Niya pasulong, at sa hinaharap ang mga pagbigkas ng Diyos ay tuwirang gagabay sa buhay ng tao sa mabuting lupain ng Canaan. Noong nasa ilang si Moises, tuwirang nagtagubilin at nakipag-usap sa kanya ang Diyos. Mula sa langit ay nagpadala ang Diyos ng pagkain, tubig, at mana upang tamasahin ng mga tao, at ngayon ay ganito pa rin: Ang Diyos ay ang Siya Mismong nagpadala ng mga bagay na makakain at maiinom upang tamasahin ng mga tao, at Siya Mismo ang nagpadala ng mga sumpa upang kastiguhin ang mga tao. At sa gayon, bawat yugto ng Kanyang gawain ay personal na isinasakatuparan ng Diyos. Ngayon, hinahangad ng mga tao ang pangyayari ng mga katotohanan, hinahangad nila ang mga tanda at mga kababalaghan, at maaaring iwaksi ang lahat ng ganoong mga tao, dahil lalong nagiging praktikal ang gawain ng Diyos. Walang nakaaalam na bumaba ang Diyos mula sa langit, lingid din sa kaalaman nila na nagpadala ang Diyos ng pagkain at mga toniko mula sa langit—subalit talagang umiiral ang Diyos, at ang mga nakagaganyak na tagpo ng Milenyong Kaharian na naguguni-guni ng mga tao ay siya ring mga sariling pagbigkas ng Diyos. Katotohanan ito, at ito lamang ang tinatawag na paghahari sa lupa kasama ng Diyos. Tumutukoy sa pagkakatawang-tao ang paghahari sa lupa kasama ng Diyos. Hindi umiiral sa lupa ang hindi sa pagkakatawang-tao, at sa gayon ang lahat ng yaong mga tumutuon sa pagpunta sa ikatlong langit ay ginagawa ito nang walang kabuluhan. Isang araw, kapag nagbabalik sa Diyos ang buong sansinukob, susunod sa mga pagbigkas Niya ang sentro ng gawain Niya sa buong kosmos; sa ibang dako, may ilang mga taong gagamit ng telepono, ang ilan ay sasakay sa eroplano, ang ilan ay sasakay sa bangka patawid sa dagat, at ang ilan ay gagamit ng mga sinag upang makatanggap ng mga pagbigkas ng Diyos. Magiging masintahin ang lahat, at mapanabik, mapapalapit silang lahat sa Diyos, at magtitipun-tipon tungo sa Diyos, at sasamba lahat sa Diyos—at ang lahat ng ito ay magiging ang mga gawa ng Diyos. Tandaan ito! Tiyak na hindi kailanman magsisimulang muli ang Diyos sa ibang dako. Gagawin ng Diyos ang katotohanang ito: Gagawin Niyang pumunta sa harapan Niya ang lahat ng mga tao sa buong sansinukob at sambahin ang Diyos sa lupa, at titigil ang gawain Niya sa ibang mga lugar, at mapipilitan ang mga tao na hangarin ang tunay na daan. Magiging katulad ito ni Jose: Lumapit ang lahat sa kanya para sa pagkain, at yumukod pababa sa kanya, sapagkat mayroon siyang mga bagay na makakain. Upang maiwasan ang taggutom, mapipilitan ang mga tao na hangarin ang tunay na daan. Magdurusa ng matinding taggutom ang buong relihiyosong pamayanan, at tanging ang Diyos ng ngayon ang bukal ng buhay na tubig, na nagtataglay ng walang-hanggang umaagos na bukal na inilaan para sa pagtatamasa ng tao, at darating ang mga tao at aasa sa Kanya. Iyon ang oras kung kailan mabubunyag ang mga gawa ng Diyos at kung kalian magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos; sasamba sa hindi kapansin-pansing “taong” ito ang lahat ng mga tao sa buong sansinukob. Hindi ba ito ang magiging araw ng luwalhati ng Diyos? Isang araw, magpapadala ng mga telegrama ang mga matatandang pastor na naghahangad ng tubig mula sa bukal ng buhay na tubig. Matatanda na sila, subalit darating pa rin sila upang sumamba sa taong ito, na minaliit nila. Kikilalanin nila Siya sa mga bibig nila at magtitiwala sa Kanya sa mga puso nila—hindi ba ito isang tanda at isang kababalaghan? Kapag nagagalak ang buong kaharian ay magiging araw ng luwalhati ng Diyos, at kung sinuman ang darating sa inyo at tatanggap sa mabuting balita ng Diyos ay pagpapalain ng Diyos, at ang mga bansa at ang mga taong gagawin ito ay pagpapalain at aalagaan ng Diyos. Magiging ganito ang hinaharap na pangangasiwa: Yaong mga makakamit ang mga pagbigkas mula sa bibig ng Diyos ay magkakaroon ng landas na lalakaran sa lupa, at maging sila man ay mga mangangalakal o mga siyentipiko, o mga tagapagturo o mga industriyalista, mahihirapang gumawa kahit isang hakbang yaong mga walang mga salita ng Diyos, at mapipilitan silang hangarin ang tunay na daan. Ito ang ibig sabihin ng, “Kasama ang katotohanan ay lalakarin mo ang buong mundo; nang walang katotohanan, wala kang mararating.” Ganito ang mga katotohanan: Gagamitin ng Diyos ang Daan (na nangangahulugang lahat ng mga salita Niya) upang atasan ang buong sansinukob at pamahalaan at lupigin ang sangkatauhan. Palaging umaasa ang mga tao sa malaking pagbabago sa mga paraan kung saan gumagawa ang Diyos. Sa malinaw na pananalita, sa pamamagitan ng mga salita pinamamahalaan ng Diyos ang mga tao, at dapat mong gawin ang sinasabi Niya nais mo man o hindi; isa itong walang-kinikilingang katotohanan, at dapat sundin ng lahat, at kaya ito rin ay walang tinag, at alam ng lahat.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumating Na ang Milenyong Kaharian

309. Lalaganap ang mga salita ng Diyos sa hindi mabilang na mga tahanan, magiging kilala sila sa lahat, at saka lamang lalaganap ang gawain Niya sa buong sansinukob. Na ang ibig sabihin, kung ang gawain ng Diyos ay lalaganap sa buong sansinukob, dapat ipalaganap ang mga salita Niya. Sa araw ng luwalhati ng Diyos, ipakikita ng mga salita ng Diyos ang kanilang kapangyarihan at awtoridad. Magagawa at magaganap ang bawat isa sa mga salita Niya mula pa sa panahong hindi na abot ng gunita hanggang ngayon. Sa paraang ito, ang luwalhati ay mapapasa-Diyos sa lupa—na ang ibig sabihin, maghahari ang mga salita Niya sa lupa. Kakastiguhin ng mga salitang sinabi mula sa bibig ng Diyos ang lahat ng buktot, pagpapalain ng mga salitang sinabi mula sa bibig Niya ang lahat ng matuwid, at ang lahat ay itatatag at gagawing ganap ng mga salitang sinabi mula sa bibig Niya. Ni hindi Siya magpapamalas ng anumang mga tanda o mga kababalaghan; magagawa ang lahat ng mga salita Niya, at magbubunga ng mga katotohanan ang mga salita Niya. Ipagdiriwang ng lahat ng nasa lupa ang mga salita ng Diyos, maging mga nasa hustong gulang man sila o mga bata, lalaki, babae, matanda, o bata, magpapasakop sa ilalim ng mga salita ng Diyos ang lahat ng mga tao. Nagpapakita sa katawang-tao ang mga salita ng Diyos, pinahihintulutan ang mga tao na makita ang mga ito sa lupa, matingkad at makatotohanan. Ito ang kahulugan upang magkatawang-tao ang Salita. Dumating ang Diyos sa lupa, una sa lahat, upang magawa ang katotohanan ng “nagkatawang-tao ang Salita,” na ang ibig sabihin, dumating Siya upang maibigay mula sa katawang-tao ang mga salita Niya (hindi katulad ng panahon ni Moises sa Lumang Tipan, kung kailan tuwirang lumabas ang tinig ng Diyos mula sa himpapawid). Matapos iyon, matutupad ang lahat ng mga salita Niya sa Kapanahunan ng Milenyong Kaharian, magiging mga katotohanan sila na tambad sa harap ng mga mata ng mga tao, at pagmamasdan sila ng mga tao gamit ang sarili nilang mga mata nang walang kahit bahagyang pagkakaiba-iba. Ito ang sukdulang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Na ang ibig sabihin, nagagawa ang gawain ng Espiritu sa pamamagitan ng katawang-tao, at sa pamamagitan ng mga salita. Ito ang tunay na kahulugan ng “nagkatawang-tao ang Salita” at “ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao.” Tanging ang Diyos ang maaaring magsalita ng kalooban ng Espiritu, at tanging ang Diyos sa katawang-tao ang maaaring magsalita sa ngalan ng Espiritu; ginawang payak ang mga salita ng Diyos sa Diyos na nagkatawang-tao, at ang lahat ng iba ay ginagabayan ng mga iyon. Walang sinuman ang nakabukod, umiiral silang lahat sa loob ng saklaw na ito. Tanging mula sa mga pagbigkas na ito maaaring maging may kamalayan ang mga tao; nananaginip nang gising yaong mga hindi nagkakamit sa paraang ito kung iniisip nilang maaari nilang makamit ang mga pagbigkas mula sa langit. Ganoon ang awtoridad na ipinakikita sa katawang-tao ng Diyos, na nagdudulot sa lahat na paniwalaan ito nang may ganap na pananalig. Kahit na ang pinakakagalang-galang na mga dalubhasa at mga relihiyosong pastor ay hindi maaaring magsalita ng mga salitang ito. Dapat magpasakop silang lahat sa ilalim ng mga ito, at walang makagagawa ng isa pang simula. Gagamitin ng Diyos ang mga salita upang lupigin ang sansinukob. Gagawin Niya ito hindi sa katawang-tao Niya, kundi sa pamamagitan ng paggamit ng mga pagbigkas mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao upang lupigin ang lahat ng mga tao sa buong sansinukob; tanging ito ang Salita na nagkatawang-tao, at tanging ito ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao. Marahil, sa mga tao, lumilitaw na parang hindi nakagagawa ng maraming gawain ang Diyos—ngunit kailangan lamang bigkasin ng Diyos ang mga salita Niya, at lubusan silang mapaniniwala at mapahahanga. Nang walang katotohanan, sumisigaw at humihiyaw ang mga tao; sa mga salita ng Diyos, nananahimik sila. Tiyak na magagawa ng Diyos ang katotohanang ito, sapagkat ito ang matagal nang itinatag na plano ng Diyos: magawa ang katotohanan ng pagdating ng Salita sa lupa. Talaga lamang, walang pangangailangan para magpaliwanag Ako—ang pagdating ng Milenyong Kaharian sa lupa ay ang pagdating ng mga salita ng Diyos sa lupa. Ang pagbaba ng Bagong Jerusalem mula sa langit ay ang pagdating ng mga salita ng Diyos upang mamuhay sa gitna ng tao, upang samahan ang bawat kilos ng tao at sa lahat ng mga pinakaloob na saloobin niya. Isa rin itong katotohanang magagawa ng Diyos; ito ang kagandahan ng Milenyong Kaharian. Ito ang planong itinakda ng Diyos: Magpapakita ang mga salita Niya sa lupa nang isang libong taon, at ipamamalas ng mga ito ang lahat ng mga gawa Niya, at gagawing ganap ang lahat ng gawain Niya sa lupa, na pagkatapos nito ang yugtong ito ng sangkatauhan ay darating sa katapusan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumating Na ang Milenyong Kaharian

Sinundan: VII. Mga Salita tungkol sa Disposisyon ng Diyos at Kung Ano ang Mayroon Siya at Kung Ano Siya

Sumunod: IX. Mga Salita tungkol sa Paghahayag ng Pagkakaiba sa Pagitan ng Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito