Gawain at Pagpasok 2

Ang inyong gawain at pagpasok ay medyo hamak; hindi pinahahalagahan ng tao kung paano gumawa at mas wala pa silang habas pagdating sa pagpasok sa buhay. Hindi ito itinuturing ng tao bilang mga aral na dapat nilang pasukin; kaya, sa iyong karanasan, halos lahat ng nakikita ng tao ay mga walang-kabuluhang malikmata. Di-gaanong marami ang hinihiling sa inyo kung gawain ang pag-uusapan, ngunit, bilang isang taong gagawing perpekto ng Diyos, dapat ninyong matutuhan ang inyong mga aral tungkol sa paggawa para sa Diyos upang kayo ay maging kaayon ng kalooban ng Diyos sa lalong madaling panahon. Sa nagdaang mga kapanahunan, yaong mga gumawa ay tinawag nang mga manggagawa o apostol, na mga salitang tumutukoy sa maliit na bilang ng mga taong kinakasangkapan ng Diyos. Gayunman, ang gawaing binabanggit Ko ngayon ay hindi lamang tumutukoy sa mga manggagawa o apostol, kundi sa halip ay patungkol ito sa lahat ng gagawing perpekto ng Diyos. Marahil ay maraming di-gaanong interesado rito, ngunit, para sa kapakanan ng pagpasok, pinakamainam na pag-usapan ang katotohanan hinggil sa bagay na ito.

Hinggil sa gawain, naniniwala ang tao na ang gawain ay pumaroo’t parito para sa Diyos, mangaral sa lahat ng dako, at gumugol para sa Kanyang kapakanan. Bagama’t ang paniniwalang ito ay tama, masyado itong may pinapanigan; ang hinihiling ng Diyos sa tao ay hindi lamang ang magparoo’t parito para sa Diyos; higit pa rito, ang gawaing ito ay may kinalaman sa ministeryo at pagtustos sa loob ng espiritu. Maraming kapatid, kahit pagkaraan nitong lahat ng taon ng karanasan, ang hindi nakaisip na gumawa para sa Diyos, dahil ang gawaing iniisip ng tao ay hindi tumutugma sa hinihiling ng Diyos. Samakatuwid, hindi interesado ang tao sa anupamang patungkol sa gawain, at ito mismo ang dahilan kaya medyo may pinapanigan din ang pagpasok ng tao. Dapat ninyong simulang lahat ang inyong pagpasok sa paggawa para sa Diyos, upang mas mainam ninyong maranasan ang lahat ng aspeto ng karanasan. Ito ang dapat ninyong pasukin. Ang gawain ay tumutukoy hindi sa pagparoo’t parito para sa Diyos, kundi sa kung ang buhay ng tao at ang isinasabuhay ng tao ay nagbibigay ng kasiyahan sa Diyos. Ang gawain ay tumutukoy sa paggamit ng tao ng kanilang katapatan sa Diyos at sa kanilang kaalaman sa Diyos upang magpatotoo tungkol sa Diyos, at magministeryo din sa tao. Ito ang responsibilidad ng tao at ito ang dapat maunawaan ng lahat ng tao. Maaaring sabihin ng isang tao na ang pagpasok ninyo ang inyong gawain, at na naghahangad kayong pumasok sa panahon ng inyong paggawa para sa Diyos. Ang pagdanas sa gawain ng Diyos ay hindi lamang nangangahulugan na marunong kayong kumain at uminom ng Kanyang salita; ang mas mahalaga, kailangan ninyong malaman kung paano magpatotoo tungkol sa Diyos at makapaglingkod sa Diyos at makapagministeryo at makapaglaan sa tao. Ito ang gawain, at ito rin ang inyong pagpasok; ito ang dapat isakatuparan ng bawat tao. Marami ang nakatuon lamang sa pagparoo’t parito para sa Diyos at pangangaral sa lahat ng dako, subalit hindi pinapansin ang kanilang personal na karanasan at kinaliligtaan ang kanilang pagpasok sa espirituwal na buhay. Ito ang dahilan kaya yaong mga naglilingkod sa Diyos ay naging yaong mga lumalaban sa Diyos. Ang mga taong ito, na naglilingkod na sa Diyos at nagmiministeryo sa tao sa loob ng napakaraming taon, ay itinuring na lamang na pagpasok ang paggawa at pangangaral, at walang sinumang nagturing sa kanilang indibiduwal na espirituwal na karanasan bilang isang mahalagang pagpasok. Sa halip, itinuring na nila ang kaliwanagang natatamo nila mula sa gawain ng Banal na Espiritu bilang puhunan para magturo sa iba. Kapag nangangaral, lubha silang nabibigatan at tinatanggap nila ang gawain ng Banal na Espiritu, at sa pamamagitan nito ay inilalabas nila ang tinig ng Banal na Espiritu. Sa sandaling ito, yaong mga gumagawa ay kampante na, na para bang naging indibiduwal na espirituwal na karanasan na nila ang gawain ng Banal na Espiritu; pakiramdam nila ay nabibilang sa kanilang indibiduwal na pagkatao ang lahat ng salitang kanilang sinasambit, ngunit para bang ang sarili nilang karanasan ay hindi kasinglinaw ng kanilang nailarawan. Bukod dito, bago magsalita ay wala silang malay kung ano ang kanilang sasabihin, ngunit kapag gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, tuluy-tuloy na dumadaloy palabas ang kanilang mga salita. Matapos kang makapangaral nang minsan sa gayong paraan, pakiramdam mo ay hindi kasingliit ng iyong akala ang iyong aktwal na katayuan, at tulad sa isang sitwasyon kung saan ilang beses nang gumawa sa iyo ang Banal na Espiritu, saka mo nalalaman na mayroon ka nang tayog at nagkakamali kang maniwala na ang gawain ng Banal na Espiritu ay ang iyong sariling pagpasok at iyong sariling pagkatao. Kapag palagi mo itong nararanasan, magiging pabaya ka tungkol sa iyong sariling pagpasok, magiging tamad nang hindi mo napapansin, at hindi mo na pahahalagahan kahit kaunti ang iyong sariling pagpasok. Dahil dito, kapag nagmiministeryo ka sa iba, kailangan mong malinaw na makatukoy sa pagitan ng iyong tayog at ng gawain ng Banal na Espiritu. Mas mapapadali nito ang iyong pagpasok at maghahatid ng higit na pakinabang sa iyong karanasan. Kapag itinuring ng tao na indibiduwal nilang karanasan ang gawain ng Banal na Espiritu, pinagmumulan ito ng kabuktutan. Kaya nga sinasabi Ko, anumang tungkulin ang inyong ginagampanan, dapat ninyong ituring ang inyong pagpasok bilang isang mahalagang aral.

Gumagawa ang isang tao upang palugurin ang kalooban ng Diyos, upang dalhin ang lahat ng kaayon ng puso ng Diyos sa Kanyang harapan, upang dalhin ang tao sa Diyos, at upang ipakilala ang gawain ng Banal na Espiritu at patnubay ng Diyos sa tao, at sa gayon ay napeperpekto ang mga bunga ng gawain ng Diyos. Samakatuwid, mahalagang ganap ninyong malinawan ang diwa ng gawain. Bilang isang taong kinakasangkapan ng Diyos, lahat ng tao ay karapat-dapat na gumawa para sa Diyos, ibig sabihin, lahat ay may pagkakataong kasangkapanin ng Banal na Espiritu. Gayunman, may isang punto kayong kailangang matanto: Kapag ginagawa ng tao ang gawaing itinagubilin ng Diyos, nabigyan na ng pagkakataon ang tao na kasangkapanin ng Diyos, ngunit ang sinasabi at alam ng tao ay hindi ang buong tayog ng tao. Ang tanging magagawa ninyo ay mas alamin ang inyong mga kakulangan habang ginagawa ninyo ang inyong gawain, at tanggapin ang higit na kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. Sa ganitong paraan, mas mahusay kayong makakapasok sa paggawa ng inyong gawain. Kung itinuturing ng tao ang patnubay na nagmumula sa Diyos bilang sarili nilang pagpasok at bilang isang bagay na likas sa kanilang kalooban, walang potensyal na lumago ang tayog ng tao. Ang kaliwanagang ibinibigay ng Banal na Espiritu sa tao ay nagaganap kapag siya ay nasa normal na kalagayan; sa gayong mga pagkakataon, madalas mapagkamalan ng tao ang kaliwanagang natatanggap niya bilang sarili niyang aktwal na tayog, dahil ang paraan na nagbibigay ng liwanag ang Banal na Espiritu ay lubhang normal, at ginagamit Niya kung ano ang likas sa kalooban ng tao. Kapag gumagawa at nagsasalita ang tao, o kapag nagdarasal sila at gumagawa ng kanilang mga espirituwal na debosyon, biglang lumilinaw sa kanila ang isang katotohanan. Gayunman, ang totoo ay nakikita lamang ng tao ang kaliwanagang bigay ng Banal na Espiritu (natural, ang kaliwanagang ito ay konektado sa pakikipagtulungan ng tao) at hindi kumakatawan sa tunay na tayog ng tao. Pagkaraan ng isang panahon ng karanasan kung saan nakakaharap ng tao ang ilang paghihirap at pagsubok, ang tunay na tayog ng tao ay lumilitaw sa ilalim ng gayong mga pangyayari. Noon lamang matutuklasan ng tao na ang kanyang tayog ay hindi gaanong mataas, at lumalabas lahat ang pagkamakasarili, personal na mga pagsasaalang-alang, at kasakiman ng tao. Pagkaraan lamang ng ilang ulit na mga karanasang katulad nito matatanto ng marami sa mga napukaw sa loob ng kanilang espiritu na ang kanilang naranasan noong araw ay hindi ang sarili nilang indibiduwal na realidad, kundi isang panandaliang pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, at na natanggap lamang ng tao ang liwanag na ito. Kapag nililiwanagan ng Banal na Espiritu ang tao upang maunawaan ang katotohanan, kadalasa’y sa malinaw at kaibang paraan, nang hindi ipinaliliwanag kung paano nangyari ang mga bagay-bagay o kung saan patungo ang mga ito. Ibig sabihin, sa halip na isama ang mga paghihirap ng tao sa paghahayag na ito, tuwiran Niyang inihahayag ang katotohanan. Kapag naharap ang tao sa mga paghihirap sa proseso ng pagpasok, at pagkatapos ay isinasama niya ang kaliwanagang bigay ng Banal na Espiritu, nagiging aktwal na karanasan ito ng tao. Halimbawa, ganito ang sinabi ng isang kapatid na dalaga sa pagbabahagi: “Hindi tayo naghahangad ng kaluwalhatian at kayamanan o nag-iimbot sa kaligayahan ng pag-iibigan sa pagitan ng mag-asawa; hinahangad lamang natin na mag-ukol ng isang pusong dalisay at tapat sa Diyos.” Nagpatuloy siya sa pagsasabing: “Kapag nag-asawa na ang mga tao, marami silang nararanasang problema, at ang kanilang may takot sa Diyos na puso ay hindi na tunay. Laging nakatuon ang puso nila sa kanilang pamilya at asawa, kaya nga lalo pang nagiging kumplikado ang kanilang mundo….” Habang nagsasalita siya, para bang ang namutawi sa kanyang bibig ay ang nadarama ng kanyang puso; ang mga salita niya ay tumataginting at makapangyarihan, na para bang lahat ng kanyang sinabi ay nagmula sa kaibuturan ng kanyang puso, at para bang taimtim niyang hinahangad na italaga nang lubusan ang kanyang sarili sa Diyos at umaasa siya na gayon din ang matibay na ipasiya ng mga kapatid na katulad niya. Masasabi na ang iyong matibay na pagpapasiya at ang maantig sa sandaling ito ay lubos na nagmumula sa gawain ng Banal na Espiritu. Kapag nagbago ang pamamaraan ng gawain ng Diyos, tumanda ka na rin nang ilang taon; nakikita mo na lahat ng kaklase at kaibigan mo na kaedad mo ay nakapag-asawa na, o naririnig mo na nag-asawa na si ganito at ganoon, dinala siya ng kanyang asawa upang manirahan sa lungsod at nakakita siya ng trabaho roon. Kapag nakita mo siya, nagsisimula kang mainggit, dahil nakikita mo na siya ay kahali-halina at maganda ang tindig mula ulo hanggang paa, at kapag kinakausap ka niya, makamundo ang kanyang talino, hindi na mukhang probinsyana. Pumupukaw ito ng mga damdamin sa iyo. Ikaw, na gumugol sa Diyos simula’t sapul, ay walang pamilya o propesyon, at nagtiis na ng napakaraming pakikitungo; matagal-tagal ka nang sumapit sa katanghaliang gulang, at unti-unti nang naglaho ang iyong kabataan, na para bang nananaginip ka. Ngayon, dahil nakarating ka na rito sa kasalukuyan pagkaraan ng mahabang paglalakbay, hindi mo alam kung saan ka pipirmi. Sa sandaling ito, naguguluhan ka, na para bang ikaw ay nahihibang. Nag-iisa at hindi makatulog nang mahimbing, nahihirapang matulog sa buong magdamag, ikaw, bago mo pa mamalayan ay nagsisimulang mag-isip tungkol sa iyong matibay na pagpapasiya at sa iyong taimtim na mga panata sa Diyos, at gayunpaman, bakit sumapit sa iyo ang gayong nakapanlulumong kalagayan? Hindi mo namamalayan, lihim na tumutulo ang mga luha at lubha kang nasasaktan. Nang lumapit ka sa Diyos upang manalangin, naalala mo, noong panahon na kasama mo ang Diyos, kung gaano kayo kalapit at hindi mapaghiwalay. Magkakasunod na lumilitaw ang mga tagpo sa iyong paningin, at ang sumpang ginawa mo sa araw na iyon ay muling umaalingawngaw sa iyong pandinig, “Hindi ba ang Diyos ang kaisa-isa kong kaniig?” Sa pagkakataong ito, humahagulgol ka na: “Diyos ko! Minamahal na Diyos! Naipagkaloob ko na nang buung-buo ang puso ko sa Iyo. Nais kong maipangako ako sa Iyo magpakailanman, at mamahalin Kita palagi habang ako’y nabubuhay….” Nang ikaw ay magpunyagi sa matinding pagdurusang iyon, saka mo lamang talaga nadama kung gaano kaibig-ibig ang Diyos, at noon mo lamang malinaw na natanto: Matagal ko nang ipinagkaloob sa Diyos ang lahat-lahat sa akin. Pagkatapos matiis ang gayong dagok, mas lalo kang nagkaroon ng karanasan pagdating sa mga bagay na ito, at nakikita mo na ang gawain ng Banal na Espiritu noon ay hindi isang bagay na taglay ng tao. Sa iyong mga karanasan pagkaraan nito, hindi ka na mapipigilan sa aspetong ito ng pagpasok; para bang ang mga pilat mula sa dati mong mga sugat ay nakabuti nang husto sa iyong pagpasok. Tuwing nahaharap ka sa ganitong sitwasyon, agad mong maaalala ang iyong mga luha sa araw na iyon, na para bang nakapiling mong muli ang Diyos matapos kang mahiwalay, at palagi kang natatakot na baka muling maputol ang iyong relasyon sa Diyos at mapinsala ang madamdaming kaugnayan (normal na relasyon) sa pagitan mo at ng Diyos. Ito ang iyong gawain at iyong pagpasok. Samakatuwid, kasabay ng pagtanggap ninyo sa gawain ng Banal na Espiritu, dapat ninyong higit na pahalagahan ang inyong pagpasok, na nakikita kung ano talaga ang gawain ng Banal na Espiritu at kung ano ang inyong pagpasok, gayundin ang pagsasama ng gawain ng Banal na Espiritu sa inyong pagpasok, upang magawa kayong perpekto ng Banal na Espiritu sa mas marami pang paraan at upang ang diwa ng gawain ng Banal na Espiritu ay magawa sa inyo. Habang nararanasan ninyo ang gawain ng Banal na Espiritu, makikilala ninyo ang Banal na Espiritu, pati na rin ang inyong sarili, at bukod pa riyan, sa gitna ng napakaraming ulit na matitinding pagdurusa, magkakaroon kayo ng normal na relasyon sa Diyos, at ang relasyon ninyo ng Diyos ay mas magkakalapit araw-araw. Pagkaraan ng napakaraming pagkakataon ng pagtatabas at pagpipino, magkakaroon kayo ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Kaya kailangan ninyong matanto na ang pagdurusa, pananakit, at mga kapighatian ay hindi dapat katakutan; ang nakakatakot ay ang pagkakaroon lamang ng gawain ng Banal na Espiritu ngunit hindi ng inyong pagpasok. Pagdating ng araw na tapos na ang gawain ng Diyos, mawawalan ng kabuluhan ang inyong pagpapagal; bagama’t naranasan ninyo ang gawain ng Diyos, hindi ninyo makikilala ang Banal na Espiritu o hindi pa kayo nagkakaroon ng sarili ninyong pagpasok. Ang kaliwanagang ginagawa ng Banal na Espiritu sa tao ay hindi upang panatilihin ang hilig ng tao, kundi upang magbukas ng landas para sa pagpasok ng tao, gayundin upang tulutan ang tao na makilala ang Banal na Espiritu, at mula sa puntong ito ay magkaroon ng pusong may takot at pagsamba sa Diyos.

Sinundan: Gawain at Pagpasok 1

Sumunod: Gawain at Pagpasok 3

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito