Gawain at Pagpasok 1
Mula pa nang ang mga tao ay nagsimulang tumahak sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos, nananatiling hindi malinaw sa kanila ang maraming bagay. Sila ay ganap pa ring nalalabuan tungkol sa gawain ng Diyos, at tungkol sa marami sa gawain na dapat nilang gawin. Sa isang banda, ito ay dahil sa pagkalihis ng kanilang karanasan at sa mga limitasyon sa kanilang kakayahang makaunawa; sa kabilang banda, ito ay dahil hindi pa nadala ng gawain ng Diyos ang mga tao sa yugtong ito. Kaya, ang lahat ng tao ay hindi maliwanag tungkol sa karamihan ng espirituwal na mga bagay. Hindi lamang sa hindi malinaw sa inyo kung ano ang inyong dapat pasukan; lalo pa kayong mangmang tungkol sa gawain ng Diyos. Ito ay hindi lamang dahil sa mga pagkukulang na nasa sa inyo: Ito ay isang malaking kapintasan na nasa lahat niyaong nasa mundo ng relihiyon. Naririto ang susi kung bakit hindi kilala ng mga tao ang Diyos, kaya’t ang kapintasang ito ay ang pare-parehong depekto ng lahat niyaong naghahanap sa Kanya. Walang isa mang tao ang kailanman ay nakakilala sa Diyos, o kailanman ay nakakita sa Kanyang tunay na mukha. Dahil dito kung kaya’t ang gawain ng Diyos ay nagiging kasinghirap ng paglilipat ng isang bundok o pag-aalis ng tubig ng dagat. Napakaraming tao ang nagsakripisyo ng kanilang mga buhay para sa gawain ng Diyos; napakarami ang pinaalis nang dahil sa Kanyang gawain; napakarami ang pinahirapan hanggang mamatay, para sa kapakanan ng Kanyang gawain; napakarami ang namatay nang di-makatarungan, na ang kanilang mga mata ay puno ng luha ng pag-ibig para sa Diyos; napakarami ang nakatagpo ng malupit at di-makataong pag-uusig…. Na ang mga trahedyang ito ay sumapit—hindi ba ang lahat ay dahil sa kakulangan ng kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos? Paanong ang isang tao na hindi kilala ang Diyos ay magkakaroon ng mukha na ihaharap sa Kanya? Paanong ang isang tao na naniniwala sa Diyos datapwa’t umuusig sa Kanya ay magkakaroon ng mukhang ihaharap sa Kanya? Ang mga ito ay hindi lamang mga kakulangan niyaong mga nasa loob ng mundo ng relihiyon, bagkus ay parehong nasa inyo at nasa kanila. Naniniwala ang mga tao sa Diyos nang hindi Siya nakikilala; ito lamang ang dahilan kung bakit wala silang may takot sa Diyos na puso, at hindi Siya pinangangambahan sa kanilang puso. May mga tao pa nga na hayagan at walang hiya-hiyang gumagawa ng gawain na naguni-guni nila nang mag-isa sa loob ng daloy na ito, at gumagawa ng gawaing itinagubilin ng Diyos ayon sa kanilang sariling mga hinihingi at labis-labis na mga ninanasa. Maraming tao ang kumikilos nang magaspang, walang pagpapahalaga sa Diyos bagkus ay sinusunod ang kanilang sariling kalooban. Hindi ba’t ang mga halimbawang ito ay mga perpektong pagpapamalas ng makasariling mga puso ng mga tao? Hindi ba inihahayag ng mga halimbawang ito ang sobrang masaganang elemento ng panlilinlang na taglay ng mga tao? Tunay ngang ang mga tao ay maaaring napakatalino, nguni’t paano maaaring halinhinan ng kanilang mga kaloob ang gawain ng Diyos? Maaari ngang tunay na nagmamalasakit ang mga tao sa pasanin ng Diyos, nguni’t hindi sila maaaring kumilos nang masyadong makasarili. Talaga bang ang mga gawa ng mga tao ay mala-Diyos? Maaari bang ang sinuman ay maging isandaang porsiyentong sigurado? Ang magpatotoo sa Diyos, ang magmana ng Kanyang kaluwalhatian—ito ay pagtatangi ng Diyos at pag-aangat sa mga tao; paano magiging karapat-dapat ang mga tao? Kasisimula pa lamang ng gawain ng Diyos, at ang Kanyang mga salita ay nagsisimula pa lamang na mabigkas. Sa puntong ito, maganda ang pakiramdam ng mga tao sa kanilang mga sarili, ngunit hindi ba ito isang bagay lang na magsasanhi ng kahihiyan? Masyadong kaunti ang kanilang naiintindihan. Kahit na ang pinakamagaling na teoretista, ang pinakamatatas na mananalumpati, ay hindi makakapaglarawan ng lahat ng kasaganaan ng Diyos, mas lalo pa kaya kayo? Hindi ninyo dapat pahalagahan ang inyong sarili nang mas mataas pa kaysa langit, bagkus ay tingnan ang inyong mga sarili na mas mababa pa kaysa sa sinumang mga makatwirang taong iyon na naghahangad na mahalin ang Diyos. Ito ang landas kung saan kayo ay papasok: ang makita ang inyong mga sarili na higit na mas mababa kaysa sa lahat ng iba. Bakit napakataas ng tingin ninyo sa inyong mga sarili? Bakit ninyo pinahahalagahan nang ganoon kataas ang inyong mga sarili? Sa mahabang lakbayin ng buhay, kasisimula pa lamang ninyong humakbang nang kaunti. Braso lamang ng Diyos ang nakikita ninyo, hindi ang kabuuan ng Diyos. Marapat lamang na makita ninyo ang mas marami pang gawain ng Diyos, upang matuklasan ninyo nang higit pa kung ano ang dapat ninyong pasukin, dahil napakaliit pa lamang ang inyong ipinagbago.
Habang pineperpekto ng Diyos ang tao at binabago ang disposisyon nito, hindi tumitigil kailanman ang Kanyang gawain, sapagka’t ang tao ay nagkukulang sa napakaraming paraan at nagkukulang nang labis sa mga pamantayang itinakda Niya. Kaya’t masasabi, na sa mga mata ng Diyos, magiging mga bagong panganak na sanggol kayo magpakailanman, nagtataglay ng napakakaunti sa mga sangkap na nakapagpapalugod sa Kanya, dahil kayo ay walang iba kundi mga nilikha sa mga kamay ng Diyos. Kung ang isa ay naging kampante, hindi ba siya kasusuklaman ng Diyos? Ang sabihing nakakaya ninyong bigyang-kaluguran ang Diyos ngayon ay pagsasalita mula sa limitadong perspektibo ng inyong katawang gawa sa laman; kung talagang ihahambing kayo laban sa Diyos, palagi kayong matatalo magpakailanman sa larangan. Ang laman ng tao kailanman ay hindi nakaranas kahit minsan ng tagumpay. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa tao, saka lamang posible para sa tao na magkaroon ng mabubuting katangian. Sa katunayan, sa lahat ng napakaraming bagay sa sangnilikha ng Diyos, pinakamababa ang tao. Kahit na siya ang panginoon ng lahat ng bagay, nag-iisa ang tao sa gitna ng mga iyon na napapasailalim sa panlalansi ni Satanas, ang nag-iisang nagiging biktima ng walang-katapusang mga paraan nito ng pagtitiwali. Ang tao kailanman ay hindi nagkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa sarili niya. Karamihan sa mga tao ay nakatira sa mabahong lugar ni Satanas, at nagdurusa ng pangungutya nito; sila’y tinutukso nito sa ganito at ganoong paraan hanggang sila ay maging agaw-buhay, nagtitiis ng bawat malaking pagbabago, ng bawat paghihirap sa mundo ng tao. Matapos silang paglaruan, tinatapos na ni Satanas ang kanilang tadhana. Kaya’t ginugugol ng mga tao ang kanilang buong buhay sa kalituhan, hindi nila kailanman natatamasa ang magagandang bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila, bagkus ay napipinsala ni Satanas at naiiwang gula-gulanit. Ngayon sila ay naging napakahina at walang-sigla kaya’t wala nang ganang pansinin ang gawain ng Diyos. Kung ang mga tao ay walang ganang pansinin ang gawain ng Diyos, ang kanilang pagdanas ay magpakailanmang mananatiling pira-piraso at hindi buo, at ang kanilang pagpasok ay magpakailanmang magiging walang laman. Sa loob ng ilang libong taon simula nang pumarito sa daigdig ang Diyos, ang anumang bilang ng mga tao na may matayog na mga simulain ay ginamit ng Diyos upang gumawa para sa Kanya sa anumang bilang ng mga taon; nguni’t yaong may alam sa Kanyang gawain ay napakakaunti na halos ay wala. Dahil dito, hindi mabilang na mga tao ang lumalaban sa Diyos habang gumagawa sila para sa Kanya, sapagka’t, sa halip na gawin ang Kanyang gawain, sila’y aktwal na gumagawa ng gawain ng tao sa posisyong ipinagkaloob ng Diyos. Maaari ba itong tawaging gawain? Paano sila makakapasok sa loob? Kinuha ng sangkatauhan ang biyaya ng Diyos at ito ay ibinaon. Dahil dito, sa loob ng mga nakaraang henerasyon yaong mga gumagawa ng Kanyang gawain ay nakapasok lamang nang bahagya. Sila ay hindi man lamang nagsasalita tungkol sa pagkakilala sa gawain ng Diyos, dahil masyadong kakaunti ang kanilang nauunawaan sa karunungan ng Diyos. Maaaring masabi na, bagaman maraming naglilingkod sa Diyos, nabigo silang makita kung gaano Siya kadakila, at ito ang dahilan kaya nagkunwari silang lahat na Diyos para sambahin ng iba.
Sa loob ng napakaraming taon nanatiling nakatago ang Diyos sa loob ng sangnilikha; mula sa likod ng tumatalukbong na hamog ay nagmasid Siya sa pagdaan ng maraming tagsibol at taglagas; napakaraming araw at gabi Siyang tumingin sa ibaba mula sa ikatlong langit; lumakad Siya kasama ng mga tao nang napakaraming buwan at taon. Umupo Siya sa ibabaw ng lahat ng tao, tahimik na naghihintay nang napakaraming magiginaw na taglamig. Hindi Niya kailanman ipinakita nang lantaran kahit minsan ang Sarili Niya kaninuman, ni gumawa ng anumang ingay, at umaalis Siya nang walang palatandaan at kasingtahimik na nagbabalik. Sino ang maaaring makakilala sa Kanyang tunay na mukha? Hindi kailanman Siya nagsalita kahit minsan sa tao, ni minsan ay hindi kailanman nagpakita sa tao. Gaano kadali para sa mga tao na gawin ang gawaing itinagubilin ng Diyos? Bahagya lamang nilang natatanto na ang kilalanin Siya ang pinakamahirap na bagay sa lahat. Ngayon ang Diyos ay nagsalita na sa tao, nguni’t hindi Siya kailanman nakilala ng tao, sapagka’t ang kanyang buhay pagpasok ay masyadong limitado at mababaw. Mula sa Kanyang perspektibo, ang mga tao ay ganap na hindi nararapat magpakita sa harap ng Diyos. Masyadong maliit ang kanilang pagkaunawa sa Diyos at masyado silang nahiwalay mula sa Kanya. Bukod dito, ang kanilang mga puso na naniniwala sa Diyos ay masyadong kumplikado, at sadyang hindi nila taglay ang larawan ng Diyos sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Bilang resulta, ang napakaingat na pagsisikap ng Diyos, at ang Kanyang gawain, tulad ng mga pira-pirasong gintong nakabaon sa ilalim ng buhanginan, ay hindi makakapagsilay ng munti mang sinag ng liwanag. Para sa Diyos, ang kakayahan, mga motibo, at mga pananaw ng mga taong ito ay karima-rimarim sa kasukdulan. Dahil naghihikahos sa kanilang kakayahang makaunawa, hindi nakakaramdam hanggang sa punto ng pagiging manhid, hamak at masama, sobra-sobrang sunud-sunuran, mahina at walang determinasyon, kailangan silang akayin gaya ng pag-akay sa mga baka at kabayo. Pagdating naman sa kanilang pagpasok sa espiritu, o pagpasok sa gawain ng Diyos, hindi sila nag-uukol kahit katiting na pansin, hindi nagtataglay ni katiting na paninindigang magdusa alang-alang sa katotohanan. Ang gawing ganap ang ganitong uri ng tao ay hindi magiging madali para sa Diyos. Kaya mahalaga na inyong italaga ang inyong pagpasok mula sa anggulong ito—na sa pamamagitan ng inyong gawain at ng inyong pagpasok ay inyong makilala ang gawain ng Diyos.