Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos

Ang maunawaan ang layunin ng gawain ng Diyos, ang epektong nakakamit ng Kanyang gawain sa tao at kung ano ba talaga ang kalooban ng Diyos para sa tao: ito ang dapat makamit ng bawat taong sumusunod sa Diyos. Ang kulang ngayon sa lahat ng tao ay ang kaalaman sa gawain ng Diyos. Ang mga gawa na nagawa na ng Diyos sa mga tao, ang kabuuan ng gawain ng Diyos, at kung ano ba talaga ang kalooban ng Diyos para sa tao, mula sa paglikha ng mundo hanggang sa kasalukuyang panahon—ito ang mga bagay na hindi nalalaman at hindi naiintindihan ng tao. Ang ganitong kakulangan ay hindi lamang nakikita sa buong relihiyosong mundo, kundi pati sa lahat ng mananampalataya sa Diyos. Kapag dumating ang araw na totoo mong namamasdan ang Diyos, kapag tunay mong pinahahalagahan ang karunungan Niya, kapag namamasdan mo ang lahat ng gawa na nagawa na ng Diyos, kapag nakikilala mo kung ano ang Diyos at kung ano ang mayroon Siya—kapag nakita mo na ang Kanyang kasaganaan, karunungan, kababalaghan, at lahat ng Kanyang nagawa na sa mga tao—saka mo makakamit ang tagumpay sa iyong pananampalataya sa Diyos. Nang sabihin na ang Diyos ay sumasaklaw sa lahat at masagana sa lahat, sa anong eksatong paraan Siya sumasaklaw sa lahat, at sa anong paraan Siya masagana sa lahat? Kung hindi mo ito nauunawaan, hindi ka maituturing na nananampalataya sa Diyos. Bakit ko sinasabi na ang mga nasa relihiyosong mundo ay hindi nananampalataya sa Diyos kundi mga masasamang tao, mga kauri ng diyablo? Kapag sinabi kong sila ay masasamang tao, ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang kalooban ng Diyos at hindi nila kayang makita ang Kanyang karunungan. Hindi kailanman ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila. Sila ay mga bulag. Hindi nila nakikita ang mga gawa ng Diyos, sila ay tinalikdan na ng Diyos, at ganap na walang pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, pati na rin ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang lahat ng mga walang gawain ng Diyos ay masasamang tao at kalaban ng Diyos. Ang sinasabi ko na mga kalaban ng Diyos ay tumutukoy sa mga hindi nakakakilala sa Diyos, ang mga kumikilala sa Diyos sa kanilang mga pananalita ngunit hindi nakakakilala sa Kanya, mga sumusunod sa Diyos ngunit hindi tumatalima sa Kanya, at mga nagsasaya sa biyaya ng Diyos ngunit hindi kayang tumayo bilang saksi Niya. Kung walang pagkaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos o pagkaunawa sa gawain na ginagawa ng Diyos sa tao, hindi siya magiging kaayon ng kalooban ng Diyos, at hindi niya magagawang tumayong saksi ng Diyos. Ang dahilan kung bakit sumasalungat ang tao sa Diyos ay nagmumula, sa isang banda, sa kanyang tiwaling disposisyon, at sa kabilang banda, sa kamangmangan tungkol sa Diyos at sa kakulangan ng pagkaunawa sa mga prinsipyo kung paano gumagawa ang Diyos, at sa Kanyang kalooban para sa tao. Ang dalawang aspetong ito, kung pagsasamahin, ay bumubuo sa isang kasaysayan ng paglaban ng tao sa Diyos. Ang mga baguhan sa pananampalataya ay sumasalungat sa Diyos dahil ang ganoong pagsalungat ay nasa kanilang kalikasan, samantalang ang pagsalungat sa Diyos ng mga maraming taon nang nananampalataya ay mula sa kanilang kamangmangan tungkol sa Kanya, bukod pa sa kanilang tiwaling disposisyon. Noong panahon bago nagkatawang-tao ang Diyos, ang sukatan kung ang isang tao ay sumalungat sa Diyos ay batay sa kung tinupad niya ang mga kautusang itinakda ng Diyos sa langit. Halimbawa, sa Kapanahunan ng Kautusan, ang sinumang hindi tumupad sa mga kautusan ni Jehova ay itinuring na sumalungat sa Diyos. Ang sinumang nagnakaw ng mga handog kay Jehova, o ang sinumang nanindigan laban sa mga pinaboran ni Jehova, ay itinuring na sumalungat sa Diyos at pupukulin ng bato hanggang kamatayan. Ang sinumang hindi gumalang sa kanyang ama at ina, at ang sinumang nanakit o nanumpa ng kapwa, ay itinuring na hindi tumupad sa mga kautusan. At ang lahat ng hindi tumupad sa kautusan ni Jehova ay itinuring na mga nanindigan laban sa Kanya. Hindi na ganito sa Kapanahunan ng Biyaya, kung kailan ang sinumang nanindigan laban kay Jesus ay itinuring na nanindigan laban sa Diyos, at ang sinumang hindi sumunod sa mga salitang binigkas ni Jesus ay itinuring na nanindigan laban sa Diyos. Sa panahong ito, ang paraan ng pagtukoy sa pagsalungat sa Diyos ay naging mas tumpak at mas praktikal. Sa panahong hindi pa nagkatawang-tao ang Diyos, ang sukatan kung sumalungat ang tao sa Diyos ay batay sa kung ang tao ay sumamba at tumingala sa di-nakikitang Diyos na nasa langit. Ang paraan ng pagtukoy sa pagsalungat sa Diyos sa panahong iyon ay tunay ngang hindi praktikal, dahil hindi kayang makita ng tao ang Diyos, at hindi niya alam kung ano ang imahe ng Diyos, o kung paano Siya gumawa at nagsalita. Walang mga kuru-kuro ang tao sa Diyos, at ang paniniwala niya sa Diyos ay hindi malinaw, dahil hindi pa nagpakita ang Diyos sa tao. Samakatuwid, paano man naniwala sa Diyos ang tao sa kanyang imahinasyon, hindi hinatulan ng Diyos ang tao o kaya ay gumawa ng maraming kahilingan mula sa kanya, sapagkat hindi talaga kayang makita ng tao ang Diyos noon. Nang nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito upang gumawa kasama ng mga tao, ang lahat ay napagmasdan Siya at napakinggan ang Kanyang mga salita, at nakita ng lahat ang mga gawa na ginagawa ng Diyos mula sa Kanyang katawang-tao. Sa sandaling iyon, ang lahat ng kuru-kuro ng tao ay naging mga bula. At para sa mga nakakita na sa pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi sila hahatulan kung kusang-loob silang tatalima sa Kanya, samantalang ang mga sadyang naninindigan laban sa Kanya ay ituturing na kalaban ng Diyos. Ang mga taong ito ay mga anticristo, mga kaaway na sadyang naninindigan laban sa Diyos. Ang mga nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos ngunit nakahanda pa rin at nagnanais na sumunod sa Kanya ay hindi mahahatulan. Hinahatulan ng Diyos ang tao batay sa kanyang mga layunin at mga kilos, hindi kailanman sa kanyang mga kaisipan at ideya. Kung hahatulan ng Diyos ang tao batay sa kanyang mga kaisipan at mga ideya, wala ni isang tao ang makatatakas mula sa puno ng galit na mga kamay ng Diyos. Ang mga sadyang naninindigan laban sa Diyos na nagkatawang-tao ay parurusahan dahil sa kanilang pagsuway. Tungkol sa mga taong ito na sadyang naninindigan laban sa Diyos, ang kanilang pagsalungat ay nagmumula sa katunayan na nagkikimkim sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, na umaakay sa kanila sa mga pagkilos na nakakagulo sa gawain ng Diyos. Ang mga taong ito ay sadyang lumalaban at sumisira sa gawain ng Diyos. Hindi lamang sila nagtataglay ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, nakikibahagi rin sila sa mga aktibidad na nakakagulo sa Kanyang gawain, at dahil dito ang ganitong klase ng mga tao ay mahahatulan. Ang mga hindi sadyang gumugulo sa gawain ng Diyos ay hindi huhusgahan bilang mga makasalanan, sapagkat nagagawa nilang sumunod nang maluwag sa kanilang kalooban at hindi sila nakikibahagi sa mga aktibidad na nagdudulot ng paggambala at kaguluhan. Ang mga taong gaya nito ay hindi parurusahan. Gayunpaman, kapag naranasan na ng mga tao ang gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon, kung patuloy silang nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at nananatili pa ring hindi nakaaalam sa mga gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, at kung, gaano man karaming taon na nilang nararanasan ang Kanyang gawain, patuloy pa rin silang puno ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at hindi pa rin nila Siya kayang makilala, kahit pa hindi sila nakikibahagi sa nakakagulong mga akitibidad, ang kanilang mga puso ay puno pa rin ng maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos, at kapag ang mga kuru-kurong ito ay hindi napansin, ang mga taong ito ay walang maitutulong sa gawain ng Diyos. Hindi nila kayang ipalaganap ang ebanghelyo para sa Diyos o tumayong saksi Niya. Ang mga taong gaya nito ay mga walang silbi at mga hangal. Dahil hindi nila nakikilala ang Diyos at higit pa rito ay ganap na walang kakayahang iwaksi ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, sila ay hinuhusgahan. Maaari itong sabihin nang ganito: Normal sa mga baguhan sa pananampalataya ang magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos o ang kawalan ng kaalaman sa Kanya, ngunit para sa taong naniniwala na sa Diyos nang maraming taon at may sapat na karanasan sa gawain ng Diyos, hindi na normal para sa mga taong ito na ipagpatuloy ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro, at mas lalong hindi normal para sa taong gaya nito ang kawalan ng kaalaman sa Diyos. Ito ay sapagkat hindi isang normal na kalagayan ang sila ay mahusgahan. Ang lahat ng mga hindi normal na taong ito ay basura. Sila ang mga pinakasumasalungat sa Diyos at mga nagpakasaya sa biyaya ng Diyos nang para sa wala. Lahat ng ganitong mga tao ay aalisin sa huli!

Ang sinumang hindi nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ay sumasalungat sa Kanya, at ang nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ngunit hindi pa rin naghahangad na mabigyang-kasiyahan ang Diyos ay lalo pang higit na ituturing na kalaban ng Diyos. Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa mga malalaking iglesia at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang gumugulo sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila ay tila may “magagandang konstitusyon,” ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao? Ang mga nagpaparangal sa kanilang sarili sa harap ng Diyos ang pinakahamak sa mga tao, samantalang ang nag-iisip sa kanilang sarili na hamak ay ang pinakamarangal. At ang mga nag-aakala na alam nila ang gawain ng Diyos at, higit pa rito, ay kayang magpahayag ng gawain ng Diyos sa iba nang may pagpapasikat kahit pa sila ay direktang nakatingin sa Kanya—sila ang mga pinakamangmang sa mga tao. Ang ganitong mga tao ay walang patotoo ng Diyos, mapagmataas at puno ng kayabangan. Ang mga naniniwala na lubhang kakaunti ang kanilang kaalaman sa Diyos, sa kabila ng kanilang aktuwal na karanasan at praktikal na kaalaman tungkol sa Kanya, ang mga pinakamamahal Niya. Tanging ang mga ganitong tao ang tunay na may patotoo at tunay na magagawang perpekto ng Diyos. Ang mga hindi nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga nakauunawa sa kalooban ng Diyos ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ngunit sumasalungat sa diwa ng mga salita ng Diyos, ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, at higit pa rito ay mayroong pag-iisip na makibahagi sa paghihimagsik, ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga nagbibigay ng hatol sa Diyos ay mga kalaban ng Diyos, at ang sinumang hindi kayang makilala ang Diyos o magpatotoo sa Kanya ay kalaban ng Diyos. Kaya hinihimok ko kayo: Kung tunay ngang mayroon kayong pananampalataya na makakaya ninyong tahakin ang landas na ito, ipagpatuloy ang pagsunod dito. Ngunit kung hindi ninyo kayang umiwas sa pagsalungat sa Diyos, pinakamabuting lumayo na kayo bago maging huli ang lahat. Kung hindi, ang pagkakataon na makasama sa inyo ang mga bagay-bagay ay lubhang mataas, sapagkat ang inyong kalikasan ay talagang labis na tiwali. Wala kayong kahit karampot o katiting na katapatan o pagsunod, o pusong uhaw sa pagkamakatuwiran at katotohanan, o pag-ibig para sa Diyos. Maaaring sabihin na ang inyong kalagayan sa harap ng Diyos ay lubos na magulo. Hindi ninyo magawang sumunod sa nararapat ninyong sundin, at hindi ninyo kayang sabihin ang nararapat ninyong sabihin. Nabigo kayong isagawa ang nararapat ninyong isagawa. At ang tungkulin na nararapat ninyong gampanan, hindi ninyo nakayanang gampanan. Wala kayong katapatan, konsensya, pagsunod, o kapasiyahan na dapat ay mayroon kayo. Hindi pa ninyo natiis ang pagdurusa na nararapat ninyong tiisin, at wala kayo ng pananampalatayang nararapat ninyong taglayin. Sa madaling sabi, lubos ang inyong kasalatan sa anumang kabutihan: Hindi ba kayo nahihiya na patuloy na mabuhay? Hayaan ninyong kumbinsihin ko kayo na mas mabuti pang isara ninyo ang inyong mga mata sa walang hanggang kapahingahan, upang makaiwas ang Diyos mula sa pag-aalala sa inyo at sa pagdurusa para sa inyong kapakanan. Naniniwala kayo sa Diyos ngunit hindi ninyo nalalaman ang Kanyang kalooban, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ngunit hindi ninyo nagagawang sundin ang mga hinihingi ng Diyos sa tao. Naniniwala kayo sa Diyos ngunit hindi ninyo Siya kilala, at nananatili kayong buhay na walang layuning pinagsisikapan, walang anumang mga pagpapahalaga, walang anumang kahulugan. Nabubuhay kayo bilang tao ngunit wala ni katiting na konsensya, integridad, o kredibilidad—matatawag n’yo pa rin ba ang inyong mga sarili na tao? Naniniwala kayo sa Diyos ngunit nililinlang ninyo Siya; bukod pa rito, kinukuha ninyo ang salapi ng Diyos at kinakain ang mga handog na para sa Kanya. Gayunman, sa huli ay bigo pa rin kayong magpakita ng kahit man lamang katiting na konsiderasyon para sa damdamin ng Diyos o kaunting konsensya tungo sa Kanya. Maging ang pinakasimpleng kahilingan ng Diyos ay hindi ninyo matugunan. Matatawag n’yo pa rin bang tao ang inyong mga sarili? Kinakain ninyo ang pagkaing ipinagkakaloob sa inyo ng Diyos, nilalanghap ang hanging ibinibigay Niya sa inyo, at tinatamasa ang Kanyang biyaya, ngunit, sa huli, wala kayo ni kaunting kaalaman tungkol sa Diyos. Bagkus, kayo ay naging mga walang silbing sumasalungat sa Diyos. Hindi ba kayo nagiging tila hayop na mas mababa pa sa isang aso dahil dito? Sa lahat ng mga hayop, mayroon bang anuman na may mas masama pang hangarin kaysa sa inyo?

Ang mga pastor at nakatatanda na tumatayo sa mataas na pulpito at nagtuturo sa iba ay mga kalaban ng Diyos at mga kaanib ni Satanas. Hindi ba’t kayong mga hindi tumatayo sa mataas na pulpito at nagtuturo sa iba ay mas lalong kalaban ng Diyos? Hindi ba kayo, mas higit pa sa kanila, at mga kasabwat ni Satanas? Ang mga hindi nauunawaan ang layunin ng gawain ng Diyos ay hindi alam kung paano maging kaayon ng kalooban ng Diyos. Walang alinlangan, hindi maaaring ang mga nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ay hindi alam kung paano aayon sa kalooban ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman kamalian; sa halip, ang paghahangad ng tao ang siyang may kapintasan. Hindi ba’t ang mga masasama na sadyang sumasalungat sa Diyos ang mas nakatatakot at mas masasama kaysa sa mga pastor at nakatatandang mga namumuno? Marami ang mga sumasalungat sa Diyos, subalit sa kanila, mayroon ding iba’t ibang paraan kung paano nila sinasalungat ang Diyos. Kung paanong may iba’t ibang uri ng mananampalataya, mayroon ding iba’t ibang uri ng mga sumasalungat sa Diyos, ang bawat isa ay hindi katulad ng iba. Wala ni isa man sa mga nabigong makita nang malinaw ang layunin ng gawain ng Diyos ang maliligtas. Paano man sinalungat ng tao ang Diyos sa nakaraan, kapag naunawaan na ng tao ang layunin ng gawain ng Diyos at inihandog niya ang kanyang mga pagsisikap upang mabigyang-kasiyahan ang Diyos, buburahin ng Diyos ang lahat ng kanyang mga kasalanan sa nakaraan. Hangga’t hinahanap ng tao ang katotohanan at isinasagawa ang katotohanan, hindi aalalahanin ng Diyos ang kanyang mga nagawa na. Higit pa rito, ang pagbibigay ng Diyos ng katuwiran sa tao ay batay sa pagsasagawa niya ng katotohanan. Ito ang pagkamakatuwiran ng Diyos. Bago pa nakita ng tao ang Diyos o naranasan ang Kanyang gawain, paano man kumilos ang tao tungo sa Diyos, hindi Niya ito isinasaisip. Gayunpaman, sa sandaling nakita na ng tao ang Diyos at naranasan ang Kanyang gawain, ang lahat ng gawa at kilos ng tao ay isusulat ng Diyos sa “mga talaan,” dahil nakita na ng tao ang Diyos at nabuhay sa gitna ng Kanyang gawain.

Kapag tunay na nakita na ng tao kung anong mayroon at kung ano ang Diyos, kapag nakita na niya ang Kanyang pagiging kataas-taasan, at kapag tunay na niyang nalalaman ang gawain ng Diyos, at bukod pa rito, kapag nagbago ang dating disposisyon ng tao, saka lamang ganap na maiwawaksi ng tao ang kanyang mapanghimagsik na disposisyon na sumasalungat sa Diyos. Maaaring sabihin na minsan nang sumalungat ang bawat tao sa Diyos at ang bawat tao ay minsan na ring naghimagsik laban sa Diyos. Gayunman, kung kusa kang susunod sa Diyos na nagkatawang-tao, at mula sa sandaling ito ay magbibigay-kasiyahan sa puso ng Diyos sa pamamagitan ng iyong katapatan, pagsasagawa ng katotohanan gaya nang nararapat, pagganap sa iyong tungkulin gaya nang nararapat, at pagsunod sa mga tuntunin gaya nang nararapat, ikaw nga ay handa nang iwaksi ang iyong pagiging-mapanghimagsik upang bigyang-kasiyahan ang Diyos at magagawang perpekto ng Diyos. Kung may pagmamatigas kang tatanggi na makita ang iyong mga pagkakamali at wala kang intensyon na magsisi, kung ipagpipilitan mo ang iyong mapanghimagsik na pag-uugali na wala ni katiting na intensyong makipagtulungan sa Diyos at mabigyan Siya ng kasiyahan, ang isang taong suwail at hindi na magbabago na tulad mo ay tiyak na parurusahan at siguradong hindi kailanman magiging isa sa mga gagawing perpekto ng Diyos. Kung ganoon, ikaw ay kaaway ng Diyos ngayon at bukas ay kaaway ka pa rin ng Diyos, at sa susunod na araw ay mananatili ka pa ring kaaway ng Diyos. Habambuhay kang magiging kalaban ng Diyos at kaaway ng Diyos. Kung magkagayon, paano ka pakakawalan ng Diyos? Likas sa tao ang sumalungat sa Diyos, ngunit hindi dapat sadyain ng tao ang paghanap sa “sikreto” ng pagsalungat sa Diyos dahil lamang sa ang pagbabago sa kanyang kalikasan ay hindi niya kayang magawa. Kung ganoon, mas mabuti pang lumayo bago maging huli ang lahat, upang ang pagkastigo sa iyo sa hinaharap ay hindi na mas lumala pa, at upang ang iyong malupit na kalikasan ay hindi na sumabog pa at maging mahirap pigilin, hanggang sa ang iyong katawang-laman ay wakasan ng Diyos sa huli. Naniniwala ka sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala, ngunit kung sa huli ay kasawian lamang ang dumating sa iyo, hindi ba ito magiging isang kahihiyan? Hinihimok ko kayo, mas mabuti pang bumuo kayo ng ibang plano. Anumang bagay na inyong magagawa ay magiging mas mabuti kaysa sa inyong pananalig sa Diyos: Tiyak na hindi maaaring ito lamang ang nag-iisang landas. Hindi ba kayo patuloy na mabubuhay kung hindi kayo naghanap ng katotohanan? Bakit kinakailangang sumalungat kayo sa Diyos sa ganitong paraan?

Sinundan: Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Sumunod: Gawain at Pagpasok 1

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito