Ano ang Pagkaunawa Mo sa Diyos?

Matagal nang naniniwala ang mga tao sa Diyos, subalit karamihan sa kanila ay hindi nauunawaan ang ibig sabihin ng salitang “Diyos,” at sumusunod lamang sila nang may pagkalito. Wala silang kaalam-alam kung bakit talaga dapat maniwala ang tao sa Diyos, o kung ano ang Diyos. Kung ang alam lamang ng tao ay maniwala at sumunod sa Diyos, ngunit hindi kung ano ang Diyos, at kung hindi rin nila kilala ang Diyos, hindi ba napakalaking biro lamang nito? Kahit, malayo na ang narating, maraming nasaksihan ang mga tao na makalangit na mga hiwaga, at nakarinig ng malalim na kaalamang hindi kailanman naunawaan ng tao noon, wala silang alam tungkol sa karamihan sa pinakapayak na mga katotohanang hindi napag-isipan ng tao noon. Maaaring sabihin ng ilan na, “Maraming taon na kaming naniniwala sa Diyos. Paanong hindi namin malalaman kung ano ang Diyos? Hindi ba kami minamaliit ng tanong na ito?” Gayunman, ang totoo, kahit sinusunod Ako ng mga tao ngayon, wala silang alam tungkol sa anuman sa gawain sa ngayon, at bigo silang maintindihan kahit ang pinakamalilinaw at pinakamadadaling tanong, maliban pa sa napakakumplikadong mga bagay na tulad ng tungkol sa Diyos. Dapat mong malaman na ang mga katanungang walang kinalaman sa iyo, na hindi mo pa natutukoy, ang siyang pinakamahalagang maunawaan mo, sapagkat ang alam mo lamang ay sumunod sa karamihan, nang hindi pinapansin at walang pakialam kung ano ang dapat mong isangkap sa iyong sarili. Alam mo ba talaga kung bakit dapat kang magkaroon ng pananampalataya sa Diyos? Alam mo ba talaga kung ano ang Diyos? Alam mo ba talaga kung ano ang tao? Bilang isang taong may pananampalataya sa Diyos, kung bigo kang unawain ang mga bagay na ito, hindi ka ba nawawalan ng dignidad ng isang mananampalataya sa Diyos? Ang gawain Ko ngayon ay ito: ang ipaunawa sa mga tao ang pinakadiwa nila, ipaunawa ang lahat ng Aking ginagawa, at ipaalam ang tunay na mukha ng Diyos. Ito ang gawaing tatapos sa Aking plano ng pamamahala, ang huling yugto ng Aking gawain. Kaya sinasabi Ko sa inyo nang maaga ang lahat ng hiwaga ng buhay, upang matanggap ninyong lahat ito mula sa Akin. Dahil ito ang gawain sa huling kapanahunan, kailangan Kong sabihin sa inyo ang lahat ng buhay katotohanan na ayaw ninyong pakinggan noon, bagama’t wala kayong kakayahang unawain o pasanin ang mga ito dahil sadyang salat na salat kayo at labis na di-nasasangkapan. Wawakasan Ko ang Aking gawain; kukumpletuhin Ko ang gawaing dapat Kong gawin, at ipapaalam Ko sa inyo ang lahat ng naipagbilin Ko sa inyo, kung hindi ay baka muli kayong maligaw ng landas at mahulog sa mga pakana ng diyablo kapag nagsimulang dumilim. Maraming paraang hindi ninyo nauunawaan, maraming bagay kayong hindi nalalaman. Napakamangmang ninyo; alam na alam Ko ang inyong tayog at inyong mga pagkukulang. Samakatuwid, kahit maraming salitang hindi ninyo kayang unawain, handa pa rin Akong sabihin sa inyo ang lahat ng katotohanang ito na ayaw ninyong pakinggan noon, dahil lagi Akong nag-aalala kung nagagawa ninyo, sa inyong kasalukuyang tayog, na manindigan sa inyong patotoo sa Akin. Hindi sa minamaliit Ko kayo; mababangis na hayop kayong lahat na kailangan pang sumailalim sa Aking pormal na pagsasanay, at hindi Ko talaga makita kung gaano kalaki ang kaluwalhatiang nasa inyo. Bagama’t nagpagod na Ako nang husto sa paggawa sa inyo, tila talagang walang mga positibong elementong umiiral sa inyo, at mabibilang sa daliri ang mga negatibong elemento at nagsisilbing mga patotoo lamang na naghahatid ng kahihiyan kay Satanas. Halos lahat ng iba pang nasa inyo ay lason ni Satanas. Ang tingin Ko sa inyo ay parang hindi na kayo maaaring iligtas. Sa lagay ng mga bagay-bagay, tinitingnan Ko ang iba’t ibang pagpapahayag at kilos ninyo, at sa wakas, alam Ko na ang tunay ninyong tayog. Kaya palagi Akong nag-aalala sa inyo: Mag-isang namumuhay, talaga kayang ang kalagayan ng mga tao ay mas mabuti o maikukumpara sa kalagayan nila ngayon? Hindi ba kayo nababahala sa kababaan ninyo? Talaga bang maaari kayong makatulad ng mga taong hinirang sa Israel—tapat sa Akin, at sa Akin lamang, sa lahat ng oras? Ang nakikita sa inyo ay hindi ang kapilyuhan ng mga batang napalayo sa kanilang mga magulang, kundi ang kabangisang lumalabas mula sa mga hayop na hindi abot ng mga latigo ng kanilang mga amo. Dapat ninyong malaman ang inyong likas na pagkatao, na siya ring kahinaan ninyong lahat; ito ay isang sakit na karaniwan sa inyong lahat. Sa gayon, ang payo Ko lamang sa inyo ngayon ay manindigan kayo sa inyong patotoo sa Akin. Anuman ang sitwasyon, huwag ninyong tulutang bumalik ang dati ninyong sakit. Ang pinakamahalaga ay magpatotoo—ito ang buod ng Aking gawain. Dapat ninyong tanggapin ang Aking mga salita tulad ng pagtanggap ni Maria sa paghahayag ni Jehova sa kanya sa isang panaginip: sa paniniwala, at pagkatapos ay pagsunod. Ito lamang ang maituturing na pagiging malinis. Sapagkat kayo ang pinakamadalas na makarinig sa Aking mga salita, ang Aking mga pinaka-pinagpala. Ibinigay Ko na sa inyo ang lahat ng mahahalagang pag-aari Ko, lubos Ko nang ipinagkaloob sa inyo ang lahat, subalit lubhang naiiba ang katayuan ninyo sa mga tao ng Israel; talagang malayung-malayo kayo. Ngunit kumpara sa kanila, mas marami kayong natanggap; samantalang desperado silang naghihintay sa Aking pagpapakita, masasaya ang mga araw ninyo sa piling Ko, nakikibahagi sa Aking kabutihan. Dahil sa pagkakaibang ito, ano ang nagbibigay sa inyo ng karapatan na putakan at kataluhin Ako at hingin ang inyong bahagi ng Aking mga pag-aari? Hindi ba marami na kayong natanggap? Napakarami Kong ibinibigay sa inyo, ngunit ang iginaganti ninyo sa Akin ay makabagbag-damdaming kalungkutan at pagkabalisa, di-mapigil na sama ng loob at kawalang-kasiyahan. Napakasama ninyo—subalit nakakaawa rin kayo, kaya wala Akong ibang magagawa kundi lunukin ang lahat ng sama ng loob Ko at iparating ang mga inaayawan Ko sa inyo nang paulit-ulit. Sa nakalipas na ilang libong taon ng gawain, hindi Ako tumutol kailanman sa sangkatauhan dahil natuklasan Ko na, sa buong pag-unlad ng sangkatauhan, ang “mga manloloko” lamang sa inyo ang kilalang-kilala, na parang mahahalagang pamanang iniwan sa inyo ng sikat na mga ninuno noong unang panahon. Galit na galit Ako sa mga taong mas masahol pa kaysa mga baboy at aso. Masyado kayong walang konsiyensya! Napakababa ng pagkatao ninyo! Napakatigas ng puso ninyo! Kung nadala Ko ang mga salita at gawaing ito sa mga Israelita, matagal na sana Akong nagtamo ng kaluwalhatian. Ngunit sa inyo ay hindi ito posibleng makamit; sa inyo, mayroon lamang malupit na kapabayaan, inyong pagbabalewala, at inyong mga pagdadahilan. Masyado kayong walang pakiramdam, at walang halaga!

Dapat ninyong ibigay ang lahat para sa Aking gawain. Dapat kayong gumawa ng gawaing kapaki-pakinabang sa Akin. Handa Akong ipaliwanag sa inyo ang lahat ng hindi ninyo nauunawaan para matutuhan ninyo mula sa Akin ang lahat ng wala sa inyo. Bagama’t di-mabilang sa dami ang inyong mga depekto, handa Akong patuloy na gawin ang gawaing dapat Kong gawin sa inyo, ipagkaloob sa inyo ang huling awa Ko para makinabang kayo mula sa Akin at magtamo kayo ng kaluwalhatiang wala sa inyo at hindi pa nakikita ng mundo kailanman. Nagtrabaho na Ako nang napakaraming taon, subalit hindi Ako nakilala ng sinumang tao kailanman. Nais Kong sabihin sa inyo ang mga lihim na hindi Ko pa nasasabi kailanman kahit kanino.

Sa mga tao, Ako ang Espiritung hindi nila makita, ang Espiritung hindi nila makakasalamuha kailanman. Dahil sa tatlong yugto ng Aking gawain sa lupa (paglikha ng mundo, pagtubos, at pagwasak), nagpapakita Ako sa gitna nila sa iba’t ibang panahon (hindi sa publiko kailanman) upang gawin ang Aking gawain sa mga tao. Ang unang pagkakataon na pumarito Ako sa mga tao ay noong Kapanahunan ng Pagtubos. Mangyari pa, napunta Ako sa isang pamilyang Hudyo; sa gayon, ang unang nakakita sa pagparito ng Diyos sa lupa ay ang mga Hudyo. Kaya Ko ginawa nang personal ang gawaing ito ay dahil nais Kong gamitin ang Aking katawang-tao bilang handog dahil sa kasalanan sa Aking gawain ng pagtubos. Sa gayon, ang unang nakakita sa Akin ay ang mga Hudyo sa Kapanahunan ng Biyaya. Iyon ang unang pagkakataon na gumawa Ako na nasa katawang-tao. Sa Kapanahunan ng Kaharian, ang gawain Ko ay manlupig at magperpekto, kaya muli Kong ginawa ang gawaing mag-akay na nasa katawang-tao. Ito ang ikalawang pagkakataon Kong magtrabaho na nasa katawang-tao. Sa huling dalawang yugto ng gawain, ang nakakasalamuha ng mga tao ay hindi na ang di-nakikita at di-nahahawakang Espiritu, kundi isang tao na siyang Espiritung nagkatawang-tao. Sa gayon, sa mga mata ng tao, nagiging tao Akong muli, na hindi kamukha ng anyo at pakiramdam ng Diyos. Bukod dito, ang Diyos na nakikita ng mga tao ay hindi lamang lalaki, kundi babae rin, na lubhang kataka-taka at nakalilito sa kanila. Muli’t muli, pinutol na ng Aking pambihirang gawain ang sinaunang mga paniniwalang pinanghawakan sa loob ng napakaraming taon. Nalito ang mga tao! Ang Diyos ay hindi lamang ang Banal na Espiritu, ang Espiritung iyon, ang Espiritung pinatindi nang pitong beses, o ang Espiritung sumasaklaw sa lahat, kundi isang tao rin—isang ordinaryong tao, isang lubhang karaniwang tao. Hindi lamang Siya lalaki, kundi babae rin. Magkapareho sila dahil kapwa Sila isinilang sa mga tao, at magkaiba dahil ipinaglihi ang isa sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ang isa naman ay isinilang sa isang tao, bagama’t nagmula mismo sa Espiritu. Magkatulad Sila dahil pareho Silang Diyos na nagkatawang-tao na nagsasagawa ng gawain ng Diyos Ama, at magkaiba dahil ginagawa ng isa ang gawain ng pagtubos samantalang ang isa naman ay ang gawain ng panlulupig. Parehong kumakatawan sa Diyos Ama, ngunit ang isa ay ang Manunubos, na puno ng kagandahang-loob at awa, at ang isa naman ay ang Diyos ng katuwiran, na puno ng poot at paghatol. Ang isa ay ang Kataas-taasang Pinuno na naglunsad ng gawain ng pagtubos, samantalang ang isa naman ay ang matuwid na Diyos na nagsasakatuparan ng gawain ng panlulupig. Ang isa ay ang Simula, at ang isa naman ay ang Wakas. Ang isa ay walang-kasalanang katawan, samantalang ang isa naman ay katawan na tumatapos sa pagtubos, nagpapatuloy ng gawain, at hindi nagkakasala kailanman. Pareho Silang iisang Espiritu, ngunit nananahan Sila sa magkaibang katawang-tao at isinilang sa magkaibang lugar, at magkahiwalay Sila nang ilang libong taon. Gayunman, lahat ng Kanilang gawain ay nagpupuno sa isa’t isa, hindi kailanman nagkakasalungat, at maaaring banggitin nang sabay. Pareho Silang tao, ngunit ang isa ay isang batang lalaki at ang isa naman ay isang batang babae. Sa loob ng maraming taon na ito, ang nakita ng mga tao ay hindi lamang ang Espiritu at hindi lamang isang tao, isang lalaki, kundi maraming bagay rin na hindi tugma sa mga kuru-kuro ng tao; sa gayon, hindi Ako lubos na naaarok ng mga tao kailanman. Patuloy silang naniniwala at nagdududa sa Akin—na para bang umiiral nga Ako, subalit isa rin Akong ilusyong panaginip—kaya nga, hanggang sa araw na ito, hindi pa rin alam ng mga tao kung ano ang Diyos. Talaga bang maibubuod mo Ako sa isang simpleng pangungusap? Talaga bang nangangahas kang sabihing, “Si Jesus ay walang iba kundi ang Diyos, at ang Diyos ay walang iba kundi si Jesus”? Napakatapang mo ba talaga para sabihing, “Ang Diyos ay walang iba kundi ang Espiritu, at ang Espiritu ay walang iba kundi ang Diyos”? Komportable ka bang sabihing, “Ang Diyos ay isang tao lamang na may katawang-tao”? May tapang ka ba talagang igiit na, “Ang larawan ni Jesus ay walang iba kundi ang dakilang larawan ng Diyos”? Nagagawa mo bang gamitin ang iyong kahusayan sa pagsasalita para ipaliwanag nang lubusan ang disposisyon at larawan ng Diyos? Nangangahas ka ba talagang sabihing, “Mga lalaki lamang ang nilikha ng Diyos, hindi mga babae, ayon sa Kanyang sariling larawan”? Kung sasabihin mo ito, walang babaeng mapapabilang sa Aking mga pinili, lalo nang hindi magiging isang klase ng katauhan ang mga babae. Ngayon talaga bang alam mo kung ano ang Diyos? Tao ba ang Diyos? Espiritu ba ang Diyos? Lalaki ba talaga ang Diyos? Si Jesus lamang ba ang maaaring kumumpleto sa gawaing Aking gagawin? Kung isa lamang ang pipiliin mo sa nasa itaas para ibuod ang Aking pinakadiwa, isa kang napakamangmang na tapat na mananampalataya. Kung gumawa Akong minsan bilang katawang-tao, at minsan lamang, lilimitahan kaya ninyo Ako? Nauunawaan ba ninyo talaga Ako nang lubusan sa isang sulyap lamang? Maibubuod mo ba talaga Ako nang ganap batay sa kung ano ang nalantad sa iyo sa buong buhay mo? Kung pareho ang gawaing ginawa Ko sa Aking dalawang pagkakatawang-tao, ano ang magiging tingin mo sa Akin? Hahayaan mo bang nakapako Ako sa krus magpakailanman? Maaari bang maging kasing-simple ng sinasabi mo ang Diyos?

Bagama’t ang inyong pananampalataya ay lubhang taos-puso, walang sinuman sa inyo ang may kakayahang ikuwento Ako nang buung-buo, walang sinumang makapagbigay ng buong patotoo sa lahat ng katotohanang nakikita ninyo. Pag-isipan ninyo ito: Ngayon, karamihan sa inyo ay pabaya sa inyong mga tungkulin, sa halip ay hinahangad ninyo ang laman, binibigyang-kasiyahan ang laman, at nagpapasasa sa pagpapakasaya sa laman. Kakaunti ang taglay ninyong katotohanan. Kung gayon, paano ninyo mapapatotohanan ang lahat ng nakita ninyo? Tiwala ba kayo talaga na maaari kayong maging mga saksi Ko? Kung dumating ang isang araw na hindi mo mapatotohanan ang lahat ng nakita mo ngayon, nawalan ka na ng silbi bilang isang nilalang, at mawawalan na ng anumang kahulugan ang iyong buhay. Hindi ka magiging karapat-dapat na maging tao. Masasabi pa na hindi ka magiging tao! Napakalaki ng nagawa Kong gawain sa inyo, ngunit dahil wala kang natututuhan sa kasalukuyan, wala kang kamalayan sa anuman, at hindi ka epektibo sa iyong mga pagsusumikap, kapag panahon na para palawakin Ko ang Aking gawain, tititig ka lamang sa kawalan, walang imik at lubos na walang-silbi. Hindi ka ba nito gagawing makasalanan habampanahon? Pagdating ng panahong iyon, hindi mo ba madarama ang pinakamatinding pagsisisi? Hindi ka ba malulungkot? Hindi Ko ginagawa ang lahat ng Aking gawain ngayon nang dahil sa katamaran at pagkainip, kundi upang maglatag ng isang pundasyon para sa Aking gawain sa hinaharap. Hindi naman sa wala na Akong patutunguhan at kailangan Kong makabuo ng isang bagay na bago. Dapat mong maunawaan ang gawaing ginagawa Ko; hindi ito isang bagay na ginagawa ng isang batang naglalaro sa kalye, kundi isang gawaing ginagawa bilang kinatawan ng Aking Ama. Dapat ninyong malaman na hindi Ako Mismo ang gumagawa ng lahat ng ito; sa halip, kinakatawan Ko ang Aking Ama. Samantala, ang inyong papel ay ang sumunod nang mahigpit, tumalima, magbago, at magpatotoo. Ang dapat ninyong maunawaan ay kung bakit kayo dapat maniwala sa Akin; ito ang pinakamahalagang tanong na dapat maunawaan ng bawat isa sa inyo. Ang Aking Ama, alang-alang sa Kanyang kaluwalhatian, ay itinadhana kayong lahat para sa Akin mula sa sandaling nilikha Niya ang mundo. Para iyon sa kapakanan ng Aking gawain, at para sa kapakanan ng Kanyang kaluwalhatian, kaya Niya kayo itinadhana. Dahil sa Aking Ama kaya kayo naniniwala sa Akin; dahil sa pagtatadhana ng Aking Ama kaya ninyo Ako sinusunod. Wala sa mga ito ang nagmula sa sarili ninyong pagpapasiya. Ang mas mahalaga pa ay nauunawaan ninyo na kayo ang siyang ipinagkaloob sa Akin ng Aking Ama para magpatotoo sa Akin. Dahil ipinagkaloob Niya kayo sa Akin, dapat kayong sumunod sa mga daan na ipinagkakaloob Ko sa inyo, gayundin sa mga daan at sa mga salitang itinuturo Ko sa inyo, sapagkat tungkulin ninyong sumunod sa Aking mga daan. Ito ang orihinal na layunin ng inyong pananampalataya sa Akin. Samakatuwid, sinasabi Ko sa inyo ito: Kayo ay mga tao lamang na ipinagkaloob ng Aking Ama sa Akin upang sumunod sa Aking mga daan. Gayunman, naniniwala lamang kayo sa Akin; hindi kayo sa Akin sapagkat hindi kayo nanggaling sa pamilyang Israelita, at sa halip ay kauri kayo ng sinaunang ahas. Ang hinihiling Ko lamang na gawin ninyo ay magpatotoo para sa Akin, ngunit ngayon ay kailangan ninyong sundin ang Aking daan. Lahat ng ito ay para sa kapakanan ng patotoo sa hinaharap. Kung magiging mga tao lamang kayo na nakikinig sa Aking mga daan, hindi kayo magkakaroon ng halaga, at ang kabuluhan ng pagkakaloob sa inyo ng Aking Ama sa Akin ay mawawala. Ang pilit Kong sinasabi sa inyo ay ito: Dapat ninyong sundin ang Aking daan.

Sinundan: Ano ang Inyong Pagkaunawa sa mga Pagpapala?

Sumunod: Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito