Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao

Noon pa man ay tungkulin Ko na ang pamahalaan ang tao. Bukod pa riyan, ang paglupig sa tao ang itinalaga Ko nang likhain Ko ang mundo. Maaaring hindi alam ng mga tao na ganap Kong lulupigin ang tao sa mga huling araw, o na ang paglupig sa mga suwail sa sangkatauhan ang katibayan na tinalo Ko si Satanas. Ngunit, nang makipaglaban sa Akin ang Aking kaaway, sinabihan Ko na ito na lulupigin Ko yaong mga nabihag ni Satanas at nagawa silang mga anak nito, nagawang matatapat na alipin na nakabantay sa bahay nito. Ang orihinal na kahulugan ng lupigin ay talunin, sumailalim sa kahihiyan; sa wika ng mga Israelita, ang ibig sabihin nito ay lubos na talunin, wasakin, at alisan ng kakayahan na higit Akong malabanan. Ngunit ngayon, kapag ginamit sa inyo, ang kahulugan nito ay lupigin. Dapat ninyong malaman na ang Aking layunin ay ganap na lipulin at pasukuin ang masasama sa sangkatauhan, upang hindi na sila makapaghimagsik laban sa Akin, lalo nang hindi magkaroon ng pagkakataon na gambalain o guluhin ang Aking gawain. Sa gayon, pagdating sa tao, ang salitang ito ay nangahulugan na ng paglupig. Anuman ang mga ipinahihiwatig ng salita, ang Aking gawain ay talunin ang mga tao. Sapagkat samantalang totoo na ang sangkatauhan ay dagdag sa Aking pamamahala, para mas tumpak, ang mga tao ay walang iba kundi ang Aking mga kaaway. Ang mga tao ay ang masasama na lumalaban at sumusuway sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang anak ng masama na Aking isinumpa. Ang mga tao ay walang iba kundi ang mga inapo ng arkanghel na nagkanulo sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang pamana ng diyablo, na tinanggihan Ko nang may pagkamuhi noong unang panahon, na naging kaaway Ko na hindi Ko nakasundo simula noon. Sapagkat ang kalangitan sa itaas ng buong sangkatauhan ay malabo at madilim, wala ni katiting na impresyon ng kalinawan, at ang mundo ng tao ay nalubog sa sukdulang kadiliman, kaya ni hindi makita ng nabubuhay rito ang kanyang nakaunat na kamay na nasa kanyang harapan o ang araw kapag siya ay nakatingala. Ang daan na kanyang tinatapakan, na maputik at puro lubak, ay paliku-liko; nagkalat ang mga bangkay sa buong lupain. Ang madidilim na sulok ay puno ng mga labi ng patay, at sa malalamig at madidilim na sulok ay naninirahan ang mga pulutong ng mga demonyo. At saanman sa mundo ng mga tao paroo’t parito ang mga demonyo nang sama-sama. Ang mga anak ng lahat ng klase ng mga halimaw, na natatakpan ng dumi, ay subsob sa matinding labanan, na ang ingay ay nakasisindak sa puso. Sa gayong mga pagkakataon, sa gayong mundo, sa gayong “paraiso sa lupa,” saan tutungo ang isang tao upang maghanap ng mga kagalakan sa buhay? Saan makakapunta ang isang tao upang mahanap ang kanyang hantungan sa buhay? Ang sangkatauhan, na matagal nang tinatapakan ni Satanas, sa simula pa lamang ay naging isang artistang taglay ang larawan ni Satanas—higit pa riyan, ang sangkatauhan ang sagisag ni Satanas, at nagsisilbing katibayan na nagpapatotoo kay Satanas, nang napakalinaw. Paano makakapagpatotoo sa Diyos ang gayong lahi ng tao, gayong pangkat ng masama’t kasuklam-suklam, gayong supling ng tiwaling pamilyang ito ng tao? Saan galing ang Aking kaluwalhatian? Saan maaaring magsimula ang isang tao na banggitin ang Aking patotoo? Sapagkat ang kaaway, dahil nagawa nang tiwali ang sangkatauhan, ay kinakalaban Ako, naangkin na ang sangkatauhan—ang sangkatauhang nilikha Ko noong unang panahon at pinuspos ng Aking kaluwalhatian at Aking pagsasabuhay—at dinungisan sila. Naagaw nito ang Aking kaluwalhatian, at ang tanging itinanim nito sa tao ay lason na lubhang nahaluan ng kapangitan ni Satanas, at katas mula sa bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Sa simula, nilikha Ko ang sangkatauhan; ibig sabihin, nilikha Ko ang ninuno ng sangkatauhan, si Adan. Pinagkalooban siya ng anyo at larawan, na puno ng lakas, puno ng sigla, at, bukod pa riyan, kapiling ng Aking kaluwalhatian. Iyan ang maluwalhating araw nang likhain Ko ang tao. Pagkatapos niyan, ginawa si Eba mula sa katawan ni Adan, at siya man ay ninuno ng tao, kaya nga ang mga taong nilikha Ko ay puno ng Aking hininga at puno ng Aking kaluwalhatian. Si Adan ay orihinal na isinilang mula sa Aking kamay at siyang kumakatawan sa Aking larawan. Sa gayon ang orihinal na kahulugan ng “Adan” ay isang nilalang na Aking nilikha, pinuspos ng Aking mahalagang lakas, pinuspos ng Aking kaluwalhatian, may anyo at larawan, may espiritu at hininga. Siya lamang ang nilalang, may angking espiritu, na may kakayahang kumatawan sa Akin, taglayin ang Aking larawan, at tanggapin ang Aking hininga. Sa simula, si Eba ang ikalawang taong pinagkalooban ng hininga na ang paglikha ay Aking naitalaga, kaya ang orihinal na kahulugan ng “Eba” ay isang nilalang na magpapatuloy ng Aking kaluwalhatian, puno ng Aking sigla at bukod pa riyan ay pinagkalooban ng Aking kaluwalhatian. Si Eba ay nagmula kay Adan, kaya taglay rin niya ang Aking larawan, sapagkat siya ang ikalawang taong nilalang sa Aking larawan. Ang orihinal na kahulugan ng “Eba” ay isang buhay na tao, may espiritu, laman, at buto, ang Aking ikalawang patotoo gayundin ang Aking ikalawang larawan sa sangkatauhan. Sila ang mga ninuno ng sangkatauhan, ang dalisay at mahalagang kayamanan ng tao, at, nagmula sa una at buhay na mga nilalang na pinagkalooban ng espiritu. Gayunman, tinapakan at binihag ng masama ang supling ng mga ninuno ng sangkatauhan, at isinadlak ang mundo ng tao sa ganap na kadiliman, at ginawa ito upang hindi na maniwala ang supling sa Aking pag-iral. Mas kasuklam-suklam pa ay na, habang ginagawang tiwali ng masama ang mga tao at tinatapakan sila, malupit nitong inaagaw ang Aking kaluwalhatian, ang Aking patotoo, ang siglang ipinagkaloob Ko sa kanila, ang hininga at ang buhay na ibinibigay Ko sa kanila, ang Aking buong kaluwalhatian sa mundo ng tao, at lahat ng dugo sa puso na Aking ginugol sa sangkatauhan. Wala na sa liwanag ang sangkatauhan, at naiwala na ng mga tao ang lahat ng Aking ipinagkaloob sa kanila, at itinapon na nila ang kaluwalhatiang Aking ipinagkaloob. Paano nila maaaring kilalanin na Ako ang Panginoon ng lahat ng nilalang? Paano sila patuloy na maniniwala sa Aking pag-iral sa langit? Paano nila matutuklasan ang mga pagpapamalas ng Aking kaluwalhatian sa ibabaw ng lupa? Paano ituturing ng mga apong lalaki at babaeng ito ang Diyos na kinatakutan ng sarili nilang mga ninuno bilang Panginoon na lumikha sa kanila? Ang kaawa-awang mga apong ito ay lubos na “inilahad” sa masama ang kaluwalhatian, ang larawan, at ang patotoong ipinagkaloob Ko kina Adan at Eba, gayundin ang buhay na ipinagkaloob Ko sa sangkatauhan at kung saan sila umaasa sa pag-iral; at, lubos silang hindi nag-aalala sa presensya ng masama, at ibinibigay ang Aking buong kaluwalhatian dito. Hindi ba ito mismo ang pinagmulan ng titulong “basura”? Paano tataglayin ng gayong sangkatauhan, gayong kasasamang demonyo, gayong mga bangkay na naglalakad, gayong mga anyo ni Satanas, gayong mga kaaway Ko ang Aking kaluwalhatian? Babawiin Ko ang Aking kaluwalhatian, babawiin Ko ang Aking patotoo na umiiral sa mga tao, at lahat ng dating Akin at ibinigay Ko sa sangkatauhan noong unang panahon—ganap Kong lulupigin ang sangkatauhan. Gayunman, dapat mong malaman na ang mga taong Aking nilikha ay mga banal na tao na taglay ang Aking larawan at Aking kaluwalhatian. Hindi sila nabilang kay Satanas, ni hindi sila natapakan nito, kundi purong pagpapamalas Ko lamang, malaya sa pinaka-kaunting bahid ng lason ni Satanas. Kaya nga, ipinapaalam Ko sa sangkatauhan na ang tanging nais Ko ay yaong nilikha ng Aking kamay, ang mga banal na Aking minamahal at hindi nabibilang sa anupamang ibang nilalang. Bukod pa riyan, malulugod Ako sa kanila at ituturing Ko silang Aking kaluwalhatian. Gayunman, ang nais Ko ay hindi ang sangkatauhang nagawang tiwali ni Satanas, na nabibilang kay Satanas ngayon, at hindi na ang Aking orihinal na likha. Dahil layon Kong bawiin ang Aking kaluwalhatiang umiiral sa mundo ng tao, ganap Kong lulupigin ang natitira sa sangkatauhan, bilang katunayan ng Aking kaluwalhatian sa pagtalo kay Satanas. Ang Aking patotoo lamang ang tinatanggap Ko bilang pagbubuo ng Aking sarili, bilang layon ng Aking kasiyahan. Ito ang Aking kalooban.

Sampu-sampung libong taon ng kasaysayan ang kinailangan upang marating ng sangkatauhan ang kinalalagyan nila ngayon, subalit ang sangkatauhang nilikha Ko sa simula ay matagal nang nabaon sa pagkabulok. Ang sangkatauhan ay hindi na ang sangkatauhang hangad Ko, at sa gayon, sa Aking paningin, ang mga tao ay hindi na karapat-dapat na tawaging sangkatauhan. Sa halip, sila ang basura ng sangkatauhan na nabihag ni Satanas, ang bulok na mga bangkay na naglalakad na sinasapian ni Satanas at ginagamit nitong bihisan. Walang tiwala ang mga tao sa Aking pag-iral, ni hindi sila sumasalubong sa Aking pagdating. Tumutugon lamang nang may pagkainis ang sangkatauhan sa Aking mga kahilingan, pansamantalang sumasang-ayon sa mga iyon, at hindi taos-pusong nakikibahagi sa mga kagalakan at kalungkutan Ko sa buhay. Dahil ang tingin ng mga tao ay mahiwaga Ako, pinakikitaan nila Ako ng nakakainis na ngiti, ang pag-uugali nila ay magpaginhawa roon sa may kapangyarihan, sapagkat walang alam ang mga tao tungkol sa Aking gawain, lalo na sa Aking kalooban sa kasalukuyan. Magtatapat Ako sa inyo: Pagdating ng araw, ang paghihirap ng sinumang sumasamba sa Akin ay magiging mas madaling tiisin kaysa sa inyo. Ang laki ng inyong pananampalataya sa Akin, sa totoo lang, ay hindi nakahihigit kaysa kay Job—kahit ang pananampalataya ng mga Pariseong Hudyo ay nakahihigit sa inyo—kaya nga, kung dumating ang araw ng apoy, magiging mas matindi ang inyong paghihirap kaysa sa mga Pariseo nang sawayin sila ni Jesus, kaysa roon sa 250 pinunong kumontra kay Moises, at kaysa roon sa Sodoma sa ilalim ng nakakapasong apoy ng pagkawasak nito. Nang hinampas ni Moises ang bato, at ang tubig na ibinigay ni Jehova ay bumukal, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang tinugtog ni David ang lira sa pagpupuri sa Akin, si Jehova—na ang kanyang puso ay puno ng kagalakan—ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nawala kay Job ang kanyang kawan na pumupuno sa mga bundok at ang di-masukat na kayamanan, at ang kanyang katawan ay napuno ng masasakit na pigsa, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Kapag naririnig niya ang tinig Ko, si Jehova, at nakikita ang Aking kaluwalhatian, si Jehova, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nakasunod si Pedro kay Jesucristo dahil sa kanyang pananampalataya. Naipako siya sa krus alang-alang sa Akin at nakapagbigay ng maluwalhating patotoo dahil din sa kanyang pananampalataya. Nang nakita ni Juan ang maluwalhating larawan ng Anak ng tao, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nakita niya ang pangitain ng mga huling araw, lalo nang lahat ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Ang dahilan kung bakit ang sinasabing karamihan ng mga bansang Hentil ay nakatamo ng Aking paghahayag, at nakaalam na nakabalik na Ako sa katawang-tao upang gawin ang Aking gawain sa gitna ng tao, ay dahil din sa kanilang pananampalataya. Lahat niyaong hinahampas ng Aking malupit na mga salita ngunit nabibigyang-aliw ng mga iyon at inililigtas—hindi ba nila nagawa ang gayon dahil sa kanilang pananampalataya? Yaong mga naniniwala sa Akin ngunit nagdaranas pa rin ng mga paghihirap, hindi ba itinakwil na rin sila ng mundo? Yaong mga namumuhay sa labas ng Aking salita, na tumatakas sa pagdanas ng pagsubok, hindi ba lahat sila ay palutang-lutang sa buong mundo? Katulad sila ng mga dahon sa taglagas na naglalaglagan kung saan-saan, walang mapagpahingahan, lalong wala sila ng Aking mga salita ng pag-aliw. Bagama’t hindi sila sinusundan ng Aking pagkastigo at pagpipino, hindi ba sila mga pulubing palutang-lutang kung saan-saan, pagala-gala sa mga lansangan sa labas ng kaharian ng langit? Talaga bang ang mundo ang iyong pahingahan? Matatamo mo ba talaga, sa pag-iwas sa Aking pagkastigo, ang pinakabahagyang ngiti ng pasasalamat mula sa mundo? Magagamit mo ba talaga ang iyong panandaliang kasiyahan upang pagtakpan ang kahungkagan sa iyong puso, kahungkagan na hindi maitatago? Maaari mong lokohin ang sinuman sa iyong pamilya, ngunit hinding-hindi mo Ako maloloko. Dahil napakaliit ng iyong pananampalataya, hanggang sa araw na ito, wala ka pa ring kapangyarihang makasumpong ng anuman sa mga katuwaang handog ng buhay. Hinihimok kita: mas mabuti pang taos-puso mong gugulin ang kalahati ng iyong buong buhay para sa Aking kapakanan kaysa gugulin mo ang iyong buong buhay sa walang kabuluhan at kaabalahan para sa laman, na tinitiis ang lahat ng pagdurusang halos hindi makayanan ng isang tao. Ano ang silbi ng pagpapahalaga nang husto sa iyong sarili at pagtakas mula sa Aking pagkastigo? Ano ang silbi ng itago ang iyong sarili mula sa Aking panandaliang pagkastigo para lamang umani ng walang-hanggang kahihiyan, ng walang-hanggang pagkastigo? Sa katunayan, hindi ko pinasusunod ang sinuman sa Aking kalooban. Kung talagang handa ang isang tao na magpasakop sa lahat ng Aking plano, hindi Ko sila tatratuhin nang masama. Ngunit kinakailangan Ko na maniwala sa Akin ang lahat ng tao, tulad ng paniniwala ni Job sa Akin, si Jehova. Kung ang inyong pananampalataya ay higit pa kaysa kay Tomas, matatamo ng inyong pananampalataya ang Aking papuri, sa inyong katapatan matatagpuan ninyo ang Aking kaligayahan, at siguradong matatagpuan ninyo ang Aking kaluwalhatian sa inyong mga araw. Gayunman, ang mga taong naniniwala sa mundo at naniniwala sa diyablo ay pinatigas na ang kanilang puso, gaya lamang ng marami sa lungsod ng Sodoma, na may mga butil ng buhanging dala ng hangin sa kanilang mga mata at mga handog mula sa diyablo sa kanilang bibig, na ang nadirimlang mga isipan ay matagal nang naangkin ng masama na kumamkam na sa mundo. Ang kanilang mga kaisipan ay halos nabihag nang buo ng diyablo ng sinaunang panahon. Kaya nga, ang pananampalataya ng sangkatauhan ay nahipan na ng hangin, at hindi nila napapansin man lamang ang Aking gawain. Ang magagawa lamang nila ay tangkaing tratuhin ang Aking gawain nang pahapyaw o suriin ito nang padaskol, dahil matagal na silang napuno ng lason ni Satanas.

Lulupigin Ko ang sangkatauhan dahil nilikha Ko ang mga tao at, bukod pa riyan, natamasa na nila ang lahat ng masaganang layon ng Aking paglikha. Ngunit tinanggihan na rin Ako ng mga tao; wala Ako sa kanilang puso, at ang tingin nila sa Akin ay pabigat Ako sa kanilang buhay, maging hanggang sa punto kung saan, dahil tunay nila Akong nakita, itinatakwil pa rin nila Ako, at pinipiga nila ang kanilang utak sa pag-iisip ng lahat ng posibleng paraan para talunin Ako. Hindi Ako hinahayaan ng mga tao na tratuhin sila nang seryoso o gumawa ng mahihigpit na kahilingan sa kanila, ni hindi nila Ako pinapayagang hatulan o kastiguhin ang kanilang pagiging hindi matuwid. Dahil ayaw Kong mag-abala rito, naiinis sila. Kaya nga ang Aking gawain ay kunin ang sangkatauhang kumakain, umiinom, at nagpapalayaw sa Akin ngunit hindi Ako kilala, at talunin sila. Aalisan Ko ng sandata ang sangkatauhan, at pagkatapos, dala ang Aking mga anghel, dala ang Aking kaluwalhatian, babalik Ako sa Aking tirahan. Sapagkat ang mga kilos ng mga tao ay matagal nang nakadurog sa Aking puso at nakawasak sa Aking gawain. Balak Kong bawiin ang kaluwalhatiang naagaw niyaong masama bago Ako lumakad nang masaya palayo, na hinahayaan ang sangkatauhan na patuloy na mabuhay, patuloy na “mamuhay at gumawa nang payapa at matiwasay,” patuloy na “linangin ang sarili nilang mga bukirin,” at hindi na Ako makikialam sa kanilang buhay. Ngunit ngayon ay layon Kong lubusang bawiin ang Aking kaluwalhatian mula sa kamay ng masama, bawiin ang kabuuan ng kaluwalhatiang inilakip Ko sa tao nang likhain Ko ang mundo. Hindi Ko na ito muling ipagkakaloob kailanman sa sangkatauhan sa lupa. Sapagkat hindi lamang nabigo ang mga tao na ingatan ang Aking kaluwalhatian, kundi ipinagpalit na nila ito sa larawan ni Satanas. Hindi pinahahalagahan ng mga tao ang Aking pagdating, ni hindi nila pinahahalagahan ang araw ng Aking kaluwalhatian. Hindi sila natutuwang tanggapin ang Aking pagkastigo, lalong ayaw nilang ibalik sa Akin ang Aking kaluwalhatian, ni ayaw nilang iwaksi ang lason ng masama. Patuloy Akong nililinlang ng sangkatauhan sa dating makalumang paraan, masaya ang ngiti at mukha ng mga tao sa dating makalumang paraan. Hindi nila namamalayan ang kalaliman ng dalamhating sasapit sa sangkatauhan pagkatapos silang lisanin ng Aking kaluwalhatian. Lalo na, hindi nila namamalayan na kapag sumapit ang Aking araw sa buong sangkatauhan, mas mahihirapan sila kaysa sa mga tao noong panahon ni Noe, sapagkat hindi nila alam kung gaano kadilim na ang Israel nang lisanin ito ng Aking kaluwalhatian, sapagkat nalilimutan ng tao sa madaling-araw kung gaano kahirap lampasan ang napakadilim na gabi. Kapag muling nagtago ang araw at bumaba ang kadiliman sa tao, muli siyang mananaghoy at magngangalit ang kanyang mga ngipin sa kadiliman. Nalimutan na ba ninyo, nang lisanin ng Aking kaluwalhatian ang Israel, kung gaano kahirap para sa mga Israelita na tiisin ang mga araw na iyon ng pagdurusa? Ngayon ang panahon kung kailan nakikita ninyo ang Aking kaluwalhatian, at ito rin ang panahon kung kailan nakikibahagi kayo sa araw ng Aking kaluwalhatian. Ang tao ay mananaghoy sa gitna ng kadiliman kapag nilisan ng Aking kaluwalhatian ang maruming lupain. Ngayon ang araw ng kaluwalhatian kung kailan ginagawa Ko ang Aking gawain, at ito ang araw kung kailan palalagpasin Ko ang sangkatauhan mula sa pagdurusa, sapagkat hindi Ko ibabahagi ang mga panahon ng pagpapahirap at pagdurusa sa kanila. Nais Ko lamang ganap na lupigin ang sangkatauhan, at ganap na talunin ang masasama sa sangkatauhan.

Sinundan: Ano ang Pagkaunawa Mo sa Diyos?

Sumunod: Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito