38 Kapag Pumarito ang Diyos Mismo sa Mundo
1 Sa sandali mismo na ang Aking mga tao, dahil sa Aking gawain, ay magtamo ng kaluwalhatian kasama Ko, mahuhukay ang pugad ng malaking pulang dragon, maaalis ang lahat ng putik at dumi, at lahat ng maruming tubig, na naipon sa loob ng napakaraming taon, ay matutuyo sa Aking mga naglalagablab na apoy, upang hindi na umiral. Pagkatapos, masasawi ang malaking pulang dragon sa lawa ng apoy at asupre. Talaga bang handa kayong manatili sa ilalim ng Aking mapagmahal na pangangalaga upang hindi kayo maagaw ng dragon? Talaga bang kinamumuhian ninyo ang mapanlinlang na mga pakana nito? Sino ang matibay na makapagpapatotoo para sa Akin? Alang-alang sa Aking pangalan, alang-alang sa Aking Espiritu, at alang-alang sa Aking buong plano ng pamamahala, sino ang makapag-aalay ng lahat ng kanilang lakas?
2 Ngayon, kung kailan ang kaharian ay nasa mundo ng tao, ang panahon na naparito Ako nang personal sa sangkatauhan. Kung hindi nagkagayon, mayroon bang magsasapalaran na pumasok sa digmaan para sa Akin nang walang anumang pangamba? Upang magkahubog ang kaharian, upang masiyahan ang Aking puso, at bukod pa riyan, upang sumapit ang Aking araw, upang dumating ang panahon na muling isilang at lumago nang sagana ang napakaraming bagay na nilikha, upang masagip ang mga tao mula sa dagat-dagatan ng pagdurusa, upang dumating ang bukas, at upang ito ay maging kamangha-mangha, at mamulaklak at yumabong at, bukod pa riyan, upang magkaroon ng kagalakan ang hinaharap, nagsusumikap nang husto ang lahat ng tao, na walang itinitira sa pagsasakripisyo ng kanilang sarili para sa Akin. Hindi ba ito isang tanda na Akin na ang tagumpay? Hindi ba ito isang tanda ng kaganapan ng Aking plano?
Hango sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 15