Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 10
Sa ating huling pagtitipon, pinagbahaginan at hinimay natin ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Mayroon na ba kayo ngayong tunay na pagkaunawa sa iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura? Paano naiiba sa katotohanan ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal? Makukumpirma na ba ninyo ngayon na ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay pangunahing hindi ang katotohanan, at na talagang hindi mapapalitan ng mga ito ang katotohanan? (Oo.) Ano ang ipinakikita nito na nakukumpirma ninyo ito? (Na mayroon akong kaunting kakayahang kilatisin kung ano talaga ang mga kasabihang ito sa tradisyonal na kultura. Dati, hindi ko napagtantong nasa puso ko ang mga bagay na ito. Pagkatapos ng ilang pagbabahagi at paghihimay na ito ng Diyos ay saka ko lamang napagtantong sa simula’t sapol, nasa ilalim na ako ng impluwensiya ng mga bagay na ito, at na noon pa man ay tinitingnan ko na ang mga tao at bagay batay sa tradisyonal na kultura. Nakikita ko ring ang mga kasabihang ito ng tradisyonal na kultura ay talagang salungat sa katotohanan, at na ang lahat ng ito ay mga bagay na gumagawang tiwali sa mga tao.) Matapos itong makumpirma, una sa lahat ay mayroon na kayong kaunting pagkilatis sa mga bagay na ito sa tradisyonal na kultura. Bukod sa mayroon na kayong kaalaman batay sa pag-unawa, nakikilatis na rin ninyo ang diwa ng mga bagay na ito mula sa isang teoretikal na perspektiba. Pangalawa, hindi na kayo naaapektuhan ng mga bagay sa tradisyonal na kultura, at naiwawaksi na ninyo ang mga epekto, pagpipigil, at gapos ng mga bagay na ito mula sa inyong puso at isipan. Lalo na kapag tinitingnan ang iba’t ibang bagay o hinaharap ang iba’t ibang problema, hindi na kayo naiimpluwensiyahan at napipigilan ng mga ideya at pananaw na ito. Sa pangkalahatan, sa pamamagitan ng pagbabahaginan, nagtamo na kayo ng kaunting pagkilatis tungkol sa mga ideya at pananaw na ito ng tradisyonal na kultura. Ito ang resultang nakukuha mula sa pagkaunawa sa katotohanan. Ang mga bagay na ito mula sa tradisyonal na kultura ay mga hungkag at masarap-pakinggang kasabihang puno ng mga satanikong pilosopiya, lalo na ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” at “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Palaging iniimpluwensiyahan, pinipigil, at iginagapos ng mga iyon ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga kaisipan, at hindi gumaganap ang mga iyon ng maagap at positibong papel sa wastong asal ng mga tao. Bagaman mayroon na kayong kaunting pagkilatis ngayon, mahirap na lubusang maiwaksi ang impluwensiya ng mga bagay na ito mula sa kaibuturan ng inyong puso. Kailangan ninyong sangkapan ang inyong sarili ng katotohanan at magdanas alinsunod sa mga salita ng Diyos sa loob ng ilang panahon. Saka lamang ninyo makikita nang malinaw sa wakas kung paanong labis na nakapipinsala, mali, at katawa-tawa ang mga mapagpaimbabaw na bagay na ito, at saka lamang malulutas ang problema sa pinakaugat nito. Kung nais ninyong itakwil ang mga maling kaisipan at ideyang ito at alisin sa inyong sarili ang impluwensiya, pagpipigil, at gapos ng mga ito sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa ilang doktrina, magiging napakahirap nitong gawin. Ngayong medyo kaya na ninyong kilatisin kung ano talaga ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal, kahit papaano ay mayroon na kayong kaunting pagkaunawa at umunlad na nang kaunti ang inyong pag-iisip. Nakasalalay ang iba pa sa kung paano hahanapin ng isang tao ang katotohanan at kung paano titingnan ng isang tao ang mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos, at kung paano magdaranas ang isang tao sa hinaharap.
Sa pakikinig sa mga pagbabahagi at paghihimay na ito sa mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura, malinaw ba ninyong nakikita ang diwa ng mga kasabihang ito? Kung talagang nakikita ninyo ito nang malinaw, matutukoy ninyong ang mga kasabihang ito mula sa tradisyonal na kultura ay hindi ang katotohanan, at hindi rin mapapalitan ng mga ito ang katotohanan. Tiyak ito, at nakumpirma na ito ng karamihan ng mga tao sa kanilang puso sa pamamagitan ng pagbabahaginan. Kaya paano dapat maunawaan ng isang tao ang diwa ng lahat ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal? Kung hindi haharapin ng isang tao ang suliraning ito alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, imposible itong makilatis at maunawaan. Kahit gaano pa karangal at kapositibo sa teorya ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura, talaga bang mga pamantayan ang mga ito para sa mga kilos at pag-uugali ng mga tao, o mga prinsipyo ng pag-asal? (Hindi.) Ang mga iyon ay hindi mga prinsipyo o pamantayan ng pag-asal. Kaya ano ba mismo ang mga iyon? Sa pamamagitan ng paghihimay sa diwa ng bawat kasabihan tungkol sa wastong asal, makabubuo ba kayo ng konklusyon sa kung ano mismo ang katotohanan at diwa ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal na lumitaw sa mga tao? Kahit kailan ba ay hindi ninyo napag-isipan ang katanungang ito? Isinasantabi ang mga mithiin ng mga diumano ay intelektuwal at moralistang nambobola at nagpapalakas sa mga nasa kapangyarihan at masayang-masayang maglingkod sa mga ito, suriin natin ito mula sa perspektiba ng normal na pagkatao. Yamang ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay hindi ang katotohanan, lalong hindi makapapalit ang mga ito sa katotohanan, malamang na mapanlinlang ang mga ito. Talagang hindi mga positibong bagay ang mga iyon—tiyak ito. Kung, sa ganitong paraan, makikilala ninyo kung ano ang mga iyon, pinatutunayan nitong nakapagtamo na kayo ng kaunting antas ng pagkaunawa sa katotohanan sa inyong puso, at nagkaroon na kayo ng kaunting pagkilatis. Ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay hindi mga positibong bagay, hindi rin mga pamantayan para sa mga kilos at pag-uugali ng mga tao, at lalong hindi mga prinsipyo sa pag-asal ng mga tao na dapat masunod, kaya may mali sa mga ito. Karapat-dapat bang alamin ang totoo tungkol dito? (Oo.) Kung isinasaalang-alang lamang ninyo ang “wastong asal” at iniisip na mga tamang pananaw at positibong bagay ang mga kasabihang ito, nagkakamali kayo at maloloko at malilinlang kayo ng mga ito. Ang mapagpaimbabaw na bagay ay hindi kailanman magiging positibong bagay. Tungkol naman sa iba’t ibang pagpapakita at paggawa ng wastong asal, dapat makilala ng isang tao kung taimtim at mula sa pusong ginagawa ang mga iyon o hindi. Kung ginagawa ang mga iyon dala ng pag-aatubili, pagkukunwari, o upang magkamit ng isang partikular na mithiin, mayroong problema sa mga gayong paggawa at pagpapakita. Makikilatis ba ninyo kung ano talaga ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal? Sino ang makapagsasabi sa Akin? (Gumagamit si Satanas ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal upang ilihis at gawing tiwali ang mga tao, at hikayatin silang sumunod sa mga kasabihang ito at isagawa ang mga ito upang makamit ang mga mithiing mahikayat silang sumamba at sumunod kay Satanas, at mailayo sila sa Diyos. Isa ito sa mga taktika at pamamaraan ni Satanas sa paggawang tiwali sa mga tao.) Hindi ito ang diwa ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal. Ito ang mithiing nakakamit ni Satanas sa pamamagitan ng paggamit sa gayong mga kasabihan upang ilihis ang mga tao. Una sa lahat, kailangan ay malinaw ninyong malaman na ang anumang uri ng kasabihan tungkol sa wastong asal ay hindi ang katotohanan, lalo nang hindi ito maaaring humalili sa katotohanan. Ni hindi mga positibong bagay ang mga ito. Kaya ano ba mismo ang mga iyon? Masasabi nang may katiyakan na ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay mga heretikong maling paniniwala na ginagamit ni Satanas para ilihis ang mga tao. Hindi ang mga ito ang katotohanang realidad na dapat taglayin ng mga tao, ni hindi ito mga positibong bagay na dapat isabuhay ng normal na pagkatao. Ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay binubuo ng mga panghuhuwad, pagkukunwari, palsipikasyon, at panlalansi—ito ay mga huwad na pag-uugali, at hindi talaga nagmumula sa konsensiya at katwiran ng tao o sa kanyang normal na pag-iisip. Samakatuwid, lahat ng kasabihan ng tradisyonal na kultura hinggil sa wastong asal ay mga kalokohan at kakatwang erehiya at maling paniniwala. Sa iilang pagbabahaging ito, ang mga kasabihang ipinapanukala ni Satanas tungkol sa wastong asal ay nakondena na mula sa araw na ito, nang buong-buo, hanggang kamatayan. Kung ni hindi positibo ang mga bagay na ito, paano ito natatanggap ng mga tao? Paano nakakapamuhay ang mga tao ayon sa mga ideya at pananaw na ito? Ito ay dahil ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay nakaayon nang husto sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao. Pumupukaw ang mga ito ng paghanga at pagsang-ayon, kaya tinatanggap ng mga tao sa kanilang puso ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal, at kahit hindi nila maisagawa ang mga ito, sa kanilang kalooban, tinatanggap at sinasamba nila ang mga ito nang buong kasiyahan. Kaya naman, gumagamit si Satanas ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal para ilihis ang mga tao, para kontrolin ang puso at pag-uugali nila, sapagkat sa puso nila, sinasamba at pikit-matang pinaniniwalaan ng mga tao ang lahat ng uri ng kasabihan tungkol sa wastong asal, at gusto nilang lahat na gamitin ang mga pahayag na ito para magkunwaring nakadarama sila ng mas higit na dignidad, karangalan, at kabaitan, sa gayon ay nakakamtan nila ang kanilang mithiin na lubos na maigalang at mapuri. Sa madaling salita, hinihingi ng lahat ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal na kapag may partikular na ginagawa ang mga tao, dapat silang magpakita ng kung anong uri ng pag-uugali o katangian ng tao na saklaw ng wastong asal. Ang mga pag-uugali at katangiang ito ng tao ay tila medyo marangal, at iginagalang, kaya lahat ng tao, sa puso nila, ay labis na hinahangad ang mga ito. Ngunit ang hindi nila naisaalang-alang ay na ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay hindi talaga mga prinsipyo ng pag-asal na dapat sundin ng isang normal na tao; sa halip, ang mga ito ay iba-ibang mapagpaimbabaw na mga pag-uugali na maaaring ipakita ng isang tao. Ito ay mga paglihis sa mga pamantayan ng konsensiya at katwiran, mga paglayo mula sa kagustuhan ng normal na pagkatao. Gumagamit si Satanas ng mga hindi totoo at pakunwaring kasabihan tungkol sa wastong asal para ilihis ang mga tao, para sambahin nila ito at ang mga mapagpaimbabaw na tinatawag na marurunong, na nagiging sanhi para ituring ng mga tao ang normal na pagkatao at ang mga pamantayan para sa pag-asal ng tao bilang ordinaryo, simple, at mababang mga bagay. Kinasusuklaman ng mga tao ang mga bagay na iyon at iniisip na lubos na walang silbi ang mga iyon. Ito ay dahil ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal na sinusuportahan ni Satanas ay lubos na kawili-wili sa paningin at lubos na nakaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Gayunman, ang totoo, walang kasabihan tungkol sa wastong asal, kahit anupaman iyon, ang dapat sundin ng mga tao bilang isang prinsipyo sa kanilang pag-asal o sa kanilang mga pakikitungo sa mundo. Pag-isipan ninyo ito—hindi ba ganito nga? Sa diwa, ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay mga utos lamang na mababaw na mamuhay ang mga tao nang mas may dignidad at marangal na buhay, para sambahin at purihin sila ng iba, sa halip na hamakin sila. Ang diwa ng mga kasabihang ito ay nagpapakitang mga utos lamang ito na magpakita ang mga tao ng mabuting wastong asal sa pamamagitan ng mabuting pag-uugali, sa gayon ay mapagtakpan at mapigilan ang mga ambisyon at matitinding hangarin ng tiwaling sangkatauhan, mapagtakpan ang masama at kasuklam-suklam na kalikasang diwa ng tao, pati na ang mga pagpapamalas ng iba’t ibang tiwaling disposisyon. Ang layon ng mga ito ay pagandahin ang personalidad ng isang tao sa pamamagitan ng paimbabaw na mabuting pag-uugali at mga gawi, para mapaganda ang tingin ng iba sa kanila at ang pagtingin ng mas malawak na mundo sa kanila. Ipinapakita ng mga puntong ito na ang mga kasabihan ukol sa wastong asal ay tungkol sa pagtatakip sa mga panloob na kaisipan, pananaw, mithiin, at layunin ng tao, sa kanilang kasuklam-suklam na mukha, at sa kanilang kalikasang diwa gamit ang paimbabaw na pag-uugali at mga gawi. Matagumpay bang mapagtatakpan ang mga bagay na ito? Hindi ba mas nagiging halata ang mga ito kapag pinagsisikapang pagtakpan ang mga ito? Ngunit walang pakialam si Satanas tungkol diyan. Ang pakay nito ay pagtakpan ang kasuklam-suklam na mukha ng tiwaling sangkatauhan, pagtakpan ang katotohanan ng katiwalian ng tao. Kaya, hinihikayat ni Satanas ang mga tao na gamitin ang mga pagpapamalas sa pag-uugali ng wastong asal para magpanggap, na nangangahulugang gumagamit ito ng mga tuntunin at pag-uugali ng wastong asal para gawing malinis ang buong anyo ng tao, na nagpapaganda sa mga katangian at personalidad ng isang tao upang igalang at purihin siya ng iba. Sa madaling salita, tinutukoy ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal kung ang isang tao ay marangal o mababa batay sa mga pagpapamalas ng kanyang pag-uugali at mga moral na pamantayan. Halimbawa, nakasalalay ang pagsukat sa kung ang isang tao ay mapagkawang-gawa sa pagpapakita niyang isinasakripisyo niya ang sarili niyang mga interes alang-alang sa iba. Kung ipakikita niya iyon nang mabuti, magpapanggap siya nang mabuti, at palalabasing labis siyang kahanga-hanga, maituturing ang taong ito na isang taong may integridad at dignidad, isang taong may napakatataas na moral na pamantayan sa mga mata ng iba, at gagawaran siya ng estado ng plake para sa pagiging isang huwaran ng moralidad na dapat kapulutan ng aral, sundin, at tularan ng iba. Kaya, paano dapat suriin ng mga tao kung ang isang babae ay mabuti o masama? Ito ay sa pamamagitan ng pagtingin sa kung ang iba’t ibang ipinakikitang pag-uugali ng babae sa loob ng kanyang pamayanan ay umaayon sa kasabihang “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal.” Kung umaayon siya rito sa bawat aspekto sa pamamagitan ng pagiging malinis, mabait at maamo, pagpapakita ng napakataas na paggalang sa nakatatanda, agad na pagpapaubaya dala ng konsiderasyon sa pangkalahatang interes, pagkakaroon ng mahabang pasensya at kakayahang magtiis ng mga paghihirap, nang hindi nagtatanim ng galit sa mga tao o nakikipagtalo sa iba, at sa pamamagitan ng paggalang sa kanyang mga biyenan at pag-aalaga nang mabuti sa kanyang asawa at mga anak, nang hindi kailanman iniisip ang kanyang sarili, hindi kailanman naghahanap ng anumang kapalit, ni nagtatamasa ng kasiyahan ng laman, at iba pa, kung gayon ay isa nga siyang babaeng malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal. Ginagamit ng mga tao ang mga panlabas na pag-uugaling ito upang suriin ang wastong asal ng mga babae. Hindi tumpak at hindi makatotohanang sukatin ang halaga, kabutihan, at kasamaan ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang mga panlabas na gawi at pag-uugali. Ang pagbibigay ng mga ganitong pahayag ay huwad, mapanlinlang, at kalokohan din. Ito ang pangunahing problema sa mga kasabihan tungkol sa wastong asal na nabubunyag sa mga tao.
Batay sa ilang aspektong nabanggit sa itaas, ang mga kasabihan bang ito tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura ay talagang mga prinsipyo ng pag-asal? (Hindi.) Hindi man lang natutugunan ng mga iyon ang mga pangangailangan ng normal na pagkatao, nagiging ganap na taliwas pa nga ang mga iyon dito. Ang ibinibigay ng mga iyon sa sangkatauhan ay hindi mga prinsipyo ng pag-asal, ni mga prinsipyo para sa mga kilos at pag-uugali ng mga tao. Sa kabaligtaran, hinihingi ng mga iyon sa mga taong magpanggap, pagtakpan ang kanilang sarili, umasal at kumilos sa isang partikular na paraan sa harap ng iba upang maging mataas ang tingin sa kanila at purihin sila, hindi sa mithiing ipaunawa sa mga tao kung paano umasal nang tama, o ang tamang paraan ng pagkilos, kundi upang mahikayat ang mga taong mamuhay nang mas nakaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng iba, at upang makuha ang papuri at pagkilala ng iba. Hindi talaga ito ang hinihingi ng Diyos, na umasal at kumilos ang mga tao alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, nang walang pakialam sa iniisip ng mga tao at sa halip ay tumuon lamang sa pagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay mas tungkol sa paghingi sa mga taong maging disente at marangal sa kanilang pag-uugali, mga gawi, at sa imaheng kanilang ipinakikita—kahit pa isa iyong pagpapanggap—sa halip na tungkol sa paglutas ng mga problemang may kinalaman sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao, o may kinalaman sa kanilang kalikasang diwa. Sa madaling salita, ang mga kinakailangang hinihingi sa mga tao ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura ay hindi nakabatay sa diwa ng mga tao, at lalong hindi isinasaalang-alang ng mga iyon ang saklaw na makakamit ng konsensiya at katwiran. Kasabay nito, taliwas ang mga iyon sa obhetibong katunayang may mga tiwaling disposisyon ang mga tao at lahat sila ay makasarili at kasuklam-suklam, at pinipilit ng mga iyon ang mga taong gawin ito-at-iyon kaugnay ng kanilang pag-uugali at mga gawi. Samakatuwid, kahit sa aling perspektiba pa ilagay ng mga iyon ang mga kinakailangan sa mga tao, hindi pangunahing mapalalaya ng mga iyon ang mga tao mula sa gapos at pagpipigil ng mga tiwaling disposisyon, hindi rin malulutas ng mga iyon ang problema ng diwa ng mga tao, sa madaling salita, hindi malulutas ng mga iyon ang mga problemang may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Dahil dito, hindi mababago ng mga iyon ang mga prinsipyo at ang direksyon ng pag-asal ng mga tao, hindi rin maipauunawa ng mga iyon sa mga tao kung paano aasal, kung paano tatratuhin ang iba, o kung paano haharapin ang mga pakikipag-ugnayan sa mga tao mula sa isang positibong aspekto. Sa pagsasalita mula sa ibang perspektiba, ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay mga uri lamang ng panuntunan at pagpipigil sa pag-uugaling ibinibigay sa mga tao. Bagaman kung titingnan ay mukhang medyo mabuti ang mga ito, hindi namamalayang naaapektuhan ng mga bagay na ito ang pag-iisip at mga pananaw ng mga tao, pinipigilan at iginagapos sila, na ang resulta ay hindi mahanap ng mga tao ang mga tamang prinsipyo at ang landas ng pag-asal at pagkilos. Sa kontekstong ito, ang tanging magagawa ng mga tao ay atubiling tanggapin ang impluwensiya ng mga tradisyonal na kultural na ideya at pananaw, at sa ilalim ng impluwensiya ng mga maling ideya at pananaw na ito, hindi nila namamalayang nawawala na sa kanila ang mga prinsipyo, mithiin, at direksyon ng pag-asal. Nagdudulot ito sa mga tiwaling tao na masadlak sa kadiliman at mawalan ng liwanag, nang sa gayon ay ang tanging magagawa nila ay maghangad ng katanyagan at personal na pakinabang sa pamamagitan ng pag-asa sa panloloko, pagkukunwari, at pandaraya. Halimbawa, kapag may nakikita kang taong nangangailangan ng tulong, agad mong naiisip na, “Ang wastong pag-asal ay nangangahuluganna maging masaya sa pagtulong sa iba. Isa itong pangunahing prinsipyo at moral na pamantayan sa pag-asal ng mga tao,” kung kaya’t kusa mong tutulungan ang taong iyon. Pagkatapos mo siyang matulungan, pakiramdam mong sa pag-asal nang ganito ay marangal at nagtataglay ka na ng kaunting pagkatao, at hindi namamalayang pinupuri mo pa ang iyong sarili bilang isang marangal na tao, isang taong may marangal na karakter, isang taong may dignidad at karakter, at siyempre, isang taong karapat-dapat na igalang. Kung hindi mo siya tutulungan, iisipin mo, “Naku, hindi ako mabuting tao. Sa tuwing makatatagpo ako ng taong nangangailangan ng tulong at maiisip kong tumulong, palagi kong isinasaalang-alang ang sarili kong mga interes. Napakamakasarili kong tao!” Hindi mamamalayang gagamitin mo ang ideolohikal na pananaw na “Maging masaya sa pagtulong sa iba” upang sukatin ang iyong sarili, pigilan ang iyong sarili, at suriin kung ano ang tama at mali. Kapag hindi mo maisagawa ang kasabihang ito, kasusuklaman o hahamakin mo ang iyong sarili, at medyo mababalisa ka. Susulyapan mo nang may paghanga at pagpapahalaga ang mga taong may kakayahang maging masaya sa pagtulong sa iba, na nadaramang mas marangal sila kaysa sa iyo, mas may dignidad kaysa sa iyo, at mas may karakter kaysa sa iyo. Gayunpaman, pagdating sa gayong mga suliranin, iba ang mga hinihingi ng Diyos. Ang mga hinihingi ng Diyos ay na sundin mo ang Kanyang mga salita at ang mga katotohanang prinsipyo. Tungkol naman sa wastong asal, paano dapat magsagawa ang mga tao? Sa pamamagitan ba ng pagsunod sa mga tradisyonal na moral at kultural na pananaw, o sa pamamagitan ng pagsunod sa mga salita ng Diyos? Ang lahat ng tao ay humaharap sa pagpapasyang ito. Malinaw na ba sa iyo ngayon ang mga katotohanang prinsipyongitinuturo ng Diyos sa mga tao? Nauunawaan mo ba ang mga iyon? Gaano mo kabuting sinusunod ang mga iyon? Kapag sinusunod mo ang mga iyon, ano ang mga kaisipan at pananaw na nakaiimpluwensya at nakahahadlang sa iyo, at ano ang mga tiwaling disposisyong nahahayag? Ganito mo dapat pagnilayan ang iyong sarili. Gaano ba talaga karami sa diwa ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura ang malinaw mong nakikita sa iyong puso? May puwang pa rin ba ang tradisyonal na kultura sa iyong puso? Ang lahat ng ito ay mga problemang dapat na lutasin ng mga tao. Kapag nalutas ang mga tiwaling disposisyon mo, at nagawa mong magpasakop sa katotohanan at sundin ang mga salita ng Diyos nang ganap at walang kompromiso, kung ganoon ay ganap na nakaayon ang isinasagawa mo sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ka na mapipigilan ng mga tiwaling disposisyon, o maigagapos ng mga moral na ideya at pananaw sa tradisyonal na kultura, at tumpak mo nang maisasagawa ang mga salita ng Diyos at makakikilos ka na alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ang mga ito ang mga prinsipyong dapat na humubog sa asal at mga kilos ng mga mananampalataya. Kapag nakapagsasagawa ka alinsunod sa mga salita ng Diyos, nakasusunod sa mga salita ng Diyos, at nakapagsasagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, bukod sa magiging isa kang taong may wastong asal, magiging isa ka ring taong makasusunod sa daan ng Diyos. Kapag isinasagawa mo ang mga prinsipyo at ang katotohanan ng pag-asal, bukod sa nagtataglay ka ng mga pamantayan ng wastong asal, mayroon ding mga katotohanang prinsipyo sa iyong pag-asal. Mayroon bang pagkakaiba sa pagitan ng pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo at sa pagsunod sa mga pamantayan ng wastong asal? (Oo.) Paano nagkakaiba ang mga iyon? Ang pagsunod sa mga kinakailangan tungkol sa wastong asal ay pagsasagawa at pagpapamalas lamang ng pag-uugali, samantalang ang pagsasagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, mula sa panlabas ay mukha ring isang pagsasagawa, ngunit sinusunod ng pagsasagawang ito ang mga katotohanang prinsipyo. Mula sa perspektibang ito, ang pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo ay may kaugnayan sa pag-asal at sa landas na tinatahak ng mga tao. Ibig sabihin nito, kung isasagawa mo ang katotohanan at susundin ang mga katotohanang prinsipyo sa mga salita ng Diyos, pagtahak iyon sa tamang landas, samantalang ang pagsunod sa mga kinakailangan ng wastong asal sa tradisyonal na kultura ay isa lamang pagpapakita ng pag-uugali, tulad lamang ng pagsunod sa mga panuntunan. Walang kinalaman dito ang mga katotohanang prinsipyo, wala ring kaugnayan dito ang landas na tinatahak ng mga tao. Nauunawaan mo ba ang sinasabi Ko? (Oo.) Narito ang isang halimbawa. Halimbawa, hinihingi sa mga tao ng kasabihan tungkol sa wastong asal na “Isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba” na “isakripisyo ang pansariling interes para makamit ang mas mataas na layunin,” sa anumang oras at sa anumang sitwasyon. Sa mga walang pananampalataya, isa itong estilong tinatawag na pagkakaroon ng marangal na karakter at matibay na integridad. “Isakripisyo ang pansariling interes para makamit ang mas mataas na layunin,”—napakagarbong pananalita naman niyon! Nakapanghihinayang na tila isa lamang itong estilong may marangal na karakter at matibay na integridad, ngunit hindi ito isang katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao sa kanilang pag-asal. Ang totoo, ang pinakamithiin ng kasabihang ito na “Isakripisyo ang pansariling interes para makamit ang mas mataas na layunin,” at ng panghihikayat sa mga taong isakripisyo ang sarili nilang mga interes alang-alang sa iba, ay upang masigurong paglilingkuran sila ng iba. Mula sa perspektiba ng mga mithiin at layunin ng mga tao, puno ng mga satanikong pilosopiya at mayroong transaksyonal na katangian ang kasabihang ito. Mula rito, matutukoy mo ba kung mayroong mga katotohanang prinsipyo sa kasabihang “Isakripisyo ang pansariling interes para makamit ang mas mataas na layunin”? Talagang wala! Hindi talaga ito isang prinsipyo ng pag-asal, pawang satanikong pilosopiya ito, dahil ang mithiin ng mga tao sa pagsasakripisyo ng kanilang pansariling interes ay para makamit ang mas mataas na layunin. Marangal man o hindi disente ang gayong pagsasagawa, isa lamang itong panuntunang gumagapos sa mga tao. Mukha itong makatwiran, ngunit sa diwa, ito ay kalokohan at katawa-tawa. Anuman ang mangyari sa iyo, hinihingi lamang nito sa mga taong isakripisyo ang sarili nilang mga interes alang-alang sa iba. Bukal man sa loob mo o hindi, o kaya mo man itong gawin o hindi, at anuman ang kapaligiran, hinihingi lamang nito sa iyong isakripisyo mo ang mga interes mo alang-alang sa iba. Kung hindi mo magagawang “isakripisyo ang pansariling interes,” naroon ang katagang “para makamit ang mas mataas na layunin” upang tuksuhin ka, upang kahit na hindi mo maisasakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba, ayaw mo pa rin itong bitiwan. Naaakit ang mga tao ng kaisipang “para makamit ang mas mataas na layunin.” Sa ilalim ng gayong mga sitwasyon, mahirap magpasya. Kaya isa bang prinsipyo ng pag-asal ang isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba? Magkakamit ba ito ng mga positibong resulta? Pinagtatakpan nang mabuti ng bawat tao ang kanyang sarili, at nagpapakita ng napakataas na karangalan, dignidad, at karakter, ngunit ano ang resulta sa huli? Masasabi lamang na wala itong kahihinatnan, dahil ang paggawa nito ay makakukuha lamang ng pagpapahalaga ng ibang tao, ngunit hindi ng pagsang-ayon ng Lumikha. Paano ito nangyayari? Resulta ba ito ng pagsunod ng lahat sa mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura at pagsunod sa mga satanikong pilosopiya? Kung tatanggapin ng lahat ng tao ang mga salita ng Diyos, tatanggapin ang mga tamang ideya at pananaw, panghahawakan ang mga katotohanang prinsipyo, at hahangarin ang direksyon sa buhay na may patnubay ng Diyos, magiging madali para sa mga taong tahakin ang tamang landas sa buhay. Mas mabuti bang magsagawa nang ganito kaysa sa isakripisyo ng isang tao ang sariling mga interes alang-alang sa iba? Ang pagsasagawa nang ganito ay pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo at pamumuhay sa liwanag alinsunod sa mga salita ng Diyos, sa halip na pagsunod kay Satanas sa landas ng pagpapaimbabaw. Makapagsasabuhay lamang ang isang tao ng tunay na wangis ng tao at makapagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga satanikong pilosopiya, pati na sa lahat ng iba’t ibang ideyang ipinararating ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura, at sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan at pamumuhay nang alinsunod sa mga salita ng Diyos.
Batay sa ating napagbahaginan sa itaas, nagkaroon na ba kayo ng anumang kongklusyon tungkol sa diwa ng mga kasabihan sa wastong asal? Ang lahat ng iba’t ibang kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay mga patakaran at kaugalian lamang na naglilimita sa mga kaisipan, pananaw at panlabas na pag-uugali ng mga tao. Ang mga iyon ay hindi talaga mga prinsipyo o pamantayan ng pag-asal, at hindi mga prinsipyong dapat sundin ng mga tao kapag nakakaharap ang lahat ng uri ng tao, usapin, at bagay. Kaya, ano ang mga prinsipyong dapat sundin ng mga tao? Hindi ba’t dapat nating pagbahaginan ang tungkol dito? Sinasabi ng ilang tao: “Ano ang pagkakaiba ng mga katotohanang prinsipyong dapat sundin ng mga tao sa mga patakaran at kaugalian ng mga kasabihang iyon tungkol sa wastong asal?” Sabihin ninyo sa Akin, mayroon bang anumang pagkakaiba? (Oo.) Sa anong paraan ito may pagkakaiba? Ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay mga patakaran at kaugalian lamang na pumipigil sa mga kaisipan, pananaw, at pag-uugali ng mga tao. Patungkol sa lahat ng iba’t ibang bagay na nangyayari sa mga tao, nagpataw ang mga iyon sa mga tao ng mga kinakailangang naglilimita sa mga pag-uugali nila at naggagapos sa kanilang mga kamay at paa, pinagagawa sa kanila ang kung ano-ano, sa halip na hayaan silang hanapin ang mga tamang prinsipyo at mga wastong paraan upang harapin ang iba’t ibang tao, usapin, at bagay. Samantala, naiiba ang mga katotohanang prinsipyo. Ang masalimuot na mga kinakailangang iniaatas ng mga salita ng Diyos sa mga tao ay hindi mga panuntunan, patakaran o kaugalian, lalong hindi iba’t ibang kasabihan ang mga ito na naglilimita sa pag-iisip at pag-uugali ng mga tao. Sa halip, sinasabi ng mga iyon sa mga tao ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan at sundin ng mga tao sa lahat ng uri ng kapaligiran at sa tuwing may mangyayari sa kanila. Kaya, ano ba mismo ang mga prinsipyong ito? Bakit Ko sinasabing tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, o ang mga katotohanang prinsipyo? Dahil ang iba’t ibang kinakailangang iniaatas ng mga salita ng Diyos sa mga tao ay makakamit lahat ng normal na pagkatao, sa puntong hinihingi ng mga iyon sa mga taong huwag magpaimpluwensiya at magpapigil sa kanilang mga damdamin, pagnanasa, ambisyon, at tiwaling disposisyon sa tuwing may mangyayari sa kanila, bagkus ay magsagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, na isang prinsipyong kayang sundin ng mga tao. Itinuturo ng mga katotohanang prinsipyo ng mga salita ng Diyos ang tamang direksyon at layong dapat sundin ng mga tao, at ang mga iyon din ang landas na dapat tahakin ng mga tao. Bukod sa pinananatili ng mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos na gumagana nang normal ang konsensiya at katwiran ng mga tao, likas ding idinaragdag ng mga iyon ang mga prinsipyo ng katotohanan sa saligan na siyang ang konsensiya at katwiran ng mga tao. Ang mga ito ang mga pamantayan ng katotohanan na makakayanan at maaabot ng mga taong may konsensiya at katwiran. Kapag sinusunod ng mga tao ang mga prinsipyong ito ng mga salita ng Diyos, hindi ang pagpapabuti ng kanilang moralidad at integridad ang natatamo nila, ni ang proteksyon ng kanilang dignidad bilang tao. Sa halip, tinahak nila ang tamang landas sa buhay. Kapag sinusunod ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyong ito ng mga salita ng Diyos, bukod sa taglay na niya ang konsensiya at katwiran ng isang normal na tao, sa saligan ng pagkakaroon ng konsensiya at katwiran ay nauunawaan pa niya ang mas maraming katotohanang prinsipyo tungkol sa kung paano siya dapat umasal. Sa madaling salita, nauunawaan niya ang mga prinsipyo ng pag-asal, nalalaman niya kung aling mga katotohanang prinsipyo ang dapat gamitin kapag tinitingnan ang mga tao at bagay at kapag umaasal at kumikilos, at hindi na siya nakokontrol at naiimpluwensyahan ng sarili niyang mga damdamin, pagnanasa, ambisyon, at tiwaling disposisyon. Sa ganitong paraan, ganap niyang naisasabuhay ang wangis ng isang normal na tao. Pangunahing nilulutas ng mga katotohanang prinsipyong ito na ipinanukala ng Diyos ang problema ng mga tiwaling disposisyong kumokontrol sa mga tao at pumipigil sa kanilang mapalaya ang kanilang sarili sa kasalanan, nang sa gayon ay hindi na mabuhay ang mga tao sa dati nilang buhay, na kontrolado ng mga damdamin, pagnanasa, ambisyon, at tiwaling disposisyon. At ano ang pumapalit sa lahat ng ito? Ito ang mga pamantayan ng mga salita ng Diyos at ng mga katotohanang prinsipyo, na nagiging buhay ng isang tao. Sa pangkalahatan, sa sandaling simulan ng mga tao ang pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng sangkatauhan, hindi na sila nabubuhay sa iba’t ibang paghihirap ng laman. Sa mas tumpak na pananalita, hindi na nabubuhay ang mga tao sa ilalim ng panlilihis, panloloko, atkontrol ni Satanas. Mas partikular na, hindi na sila nabubuhay sa ilalim ng gapos at kontrol ng napakaraming ideya at pananaw at pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na itinatanim ni Satanas sa mga tao. Sa halip, bukod sa nabubuhay sila nang may dignidad at integridad, nabubuhay rin sila nang malaya at gaya talaga ng mga tao, na siyang tunay na wangis ng mga nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha. Ito ang mahalagang kaibahan ng mga salita at katotohanan ng Diyos, sa mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura.
Medyo malalim ang paksa ng pagbabahaginan ngayong araw. Matapos itong pakinggan, dapat ninyo itong pag-isipan nang matagal, hayaan itong tumimo, at tingnan ninyo kung naunawaan ninyo ang sinabi. Batay sa pagbabahaginang ito, lubos na ba ninyong naunawaan ang pagkakaiba ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal at sa katotohanan? Sabihin ninyo sa Akin sa pinakamadaling salita: Ano ang diwa ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal? (Ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay mga patakaran at kaugalian lamang na pumipigil sa mga kaisipan at pag-uugali ng mga tao, hindi mga prinsipyo at pamantayan ng pag-asal ang mga iyon.) Mahusay. May isang kuwento sa tradisyunal na kultura tungkol sa pagpapaubaya ni Kong Rong sa mas malalaking peras. Ano sa palagay ninyo: Hindi ba mabuting tao ang sinumang hindi kayang maging katulad ni Kong Rong? Dati-rati ay iniisip ng mga tao na sinumang kayang maging katulad ni Kong Rong ay marangal ang karakter at matibay ang integridad, isinasakripisyo ang sarili niyang mga interes alang-alang sa iba—isang mabuting tao. Isa bang huwaran si Kong Rong ng makasaysayang kuwentong ito na tinularan ng lahat ng tao? May partikular na puwang ba ang taong ito sa puso ng mga tao? (Oo.) Hindi ang kanyang pangalan, kundi ang kanyang mga kaisipan at gawi, kanyang moralidad at pag-uugali, ang may puwang sa puso ng mga tao. Hinahangaan ng mga tao ang gayong mga gawi at sinasang-ayunan ang mga iyon, at sa loob nila ay hinahangaan nila ang wastong asal ni Kong Rong. Samakatuwid, kung makakikita ka ng isang taong hindi kayang isakripisyo ang sarili niyang mga interes alang-alang sa iba, hindi isang tipo ng tao na ipamimigay ang mas malalaking peras tulad ng ginawa ni Kong Rong, sa loob mo ay maiinis ka sa kanya at magiging mababa ang tingin mo sa kanya. Kaya, may katwiran ba ang iyong pagkainis at mababang pagtingin? Nakabatay dapat ang mga iyon sa isang bagay. Una sa lahat, iisipin mo: “Napakabata pa ni Kong Rong subalit nagawa niyang ipamigay ang mas malalaking peras, samantalang nasa hustong gulang ka na at ganito ka pa rin kamakasarili,” at sa loob mo ay mababa ang tingin mo sa kanya. Kaya, ang mababang pagtingin at pagkainis mo ba ay nakabatay sa kuwento ng pagpapaubaya ni Kong Rong sa mas malalaking peras? (Oo.) Tama bang tingnan ang mga tao sa batayang ito? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? Dahil hindi tama ang pinagmulan ng iyong batayan sa pagtingin sa mga tao at bagay, at dahil maling-mali ang iyong pinagsimulan. Ang panimula mo ay ituring ang pagpapaubaya ni Kong Rong sa mas malalaking peras bilang pamantayan sa pagsukat sa mga tao at bagay, ngunit mali ang diskarte at pamamaraang ito ng pagsukat. Sa anong paraan mali ang mga iyon? Mali ang mga iyon sa puntong pinaniniwalaan mong tama ang ideya sa likod ng kuwento ni Kong Rong, at itinuturing mo itong isang positibong ideolohikal na perspektiba kung saan dapat sukatin ang mga tao at bagay. Kapag sa ganitong paraan ka nanunukat, hahantong ka sa resultang karamihan sa mga tao ay hindi mabubuting tao. Tumpak ba ang mga resulta ng pagsukat na ito? (Hindi, hindi tumpak ang mga iyon.) Bakit hindi tumpak ang mga iyon? Dahil mali ang iyong pamantayan ng pagsukat. Kung gagamitin ng isang tao ang mga pamamaraan at prinsipyong ibinigay ng Diyos, paano dapat sukatin ng isang tao ang gayong tao? Sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang kung itinataguyod ng taong iyon ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung nasa panig siya ng Diyos, kung mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, at kung hinahanap niya ang katotohanang prinsipyo sa kanyang ginagawa: tanging ang pagsukat na nakabatay sa mga aspektong ito ang pinakatumpak. Kung, sa tuwing may mangyayari sa taong ito, nagdarasal siya, naghahanap, at tinatalakay niya ito sa lahat, at—kahit na kung minsan ay hindi niya magawang maging mapagkawanggawa at medyo makasarili siya sa maliliit na paraan—kung sapat naman ang ginagawa niya kapag sinukat sa mga aspektong hinihingi ng Diyos, isa itong taong kayang tumanggap ng katotohanan, isang taong nasa tama. Kaya saan nakabatay ang kongklusyong ito? (Nakabatay ito sa mga salita at hinihingi ng Diyos.) Samakatuwid ay tumpak ba ang kongklusyong ito? Mas tumpak pa ito kaysa sa kung susukatin mo ito gamit ang ideolohikal na perspektiba ng pagpapaubaya ni Kong Rong sa mas malalaking peras. Sinusukat ng ideolohikal na perspektiba ng kuwento ni Kong Rong ang panandaliang pag-uugali at mga gawi ng mga tao, ngunit ang hinihingi ng Diyos na sukatin ng mga tao ay ang diwa ng taong ito, pati na kung ano mismo ang saloobin ng taong ito sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos. Ginagamit mo ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal upang sukatin ang panandaliang pag-uugali ng isang tao, o ang kanyang mga kilos o panandaliang paghahayag sa isang pangyayari. Kung gagamitin mo ang mga iyon upang sukatin ang mga likas na katangian ng isang tao, hindi ito magiging tumpak, dahil ang pagsukat sa mga likas na katangian ng isang tao gamit ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay pagsukat sa kanya gamit ang maling mga prinsipyo, at hindi magiging tumpak ang resultang makukuha mo. Wala sa panlabas niyang mga pag-uugali ang kaibahan, kundi sa halip ay nasa kanyang kalikasang diwa. Kung kaya, talagang maling sukatin ang mga tao gamit ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal. Tumpak lamang na sukatin ang mga tao gamit ang mga katotohanang prinsipyo. Nauunawaan ba ninyo ang sinasabi Ko?
Ang diwa ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay na mga patakaran at kaugalian ang mga iyon na pumipigil sa pag-uugali at mga kaisipan ng mga tao. Sa isang partikular na paraan, nililimitahan at pinipigil ng mga iyon ang pag-iisip ng mga tao, at pinipigilan ang ilan sa mga tamang pagpapahayag ng kaisipan at mga normal na kinakailangan ng normal na pagkatao. Siyempre, masasabi ring sa isang partikular na paraan ay nilalabag ng mga iyon ang ilan sa mga batas ng pag-iral ng normal na pagkatao, at pinagkakaitan din ang mga normal na tao ng kanilang mga pangangailangan at karapatang pantao. Halimbawa, sapilitang pinanghihimasukan at sinisira ng klasikong kasabihang “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal” ang mga karapatang pantao ng mga babae. Ano ang papel na hinihikayat nitong gampanan ng mga babae sa buong lipunan ng tao? Ginagampanan nila ang papel ng pagiging alipin. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Mula sa perspektibang ito, nasira na ng mga patakaran at kaugalian ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ang kaisipan ng tao, naalis na ang iba’t ibang pangangailangan ng normal na pagkatao, at kasabay niyon ay nilimitahan ang pagpapahayag ng mga tao ng iba’t ibang kaisipan ng normal na pagkatao. Ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal, sa diwa, ay hindi nilikha batay sa mga pangangailangan ng mga normal na tao, ni batay sa mga pamantayang kayang abutin ng mga normal na tao, bagkus ay nilikhang lahat batay sa mga imahinasyon, ambisyon at kagustuhan ng mga tao. Bukod sa pinipigilan at nililimitahan ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ang mga kaisipan ng mga tao, at pinipigilan ang pag-uugali ng mga tao, hinihikayat din ng mga ito ang mga taong sambahin at habulin ang mga bagay na mali at kathang-isip. Ngunit hindi makakamit ng mga tao ang mga iyon, kaya ang tanging magagawa nila ay gumamit ng pagkukunwari upang itago at pagtakpan ang kanilang sarili, nang sa gayon ay magkaroon sila ng disente, marangal na buhay, isang buhay na mukhang lubhang kagalang-galang. Ngunit ang totoo, ang pamumuhay sa ilalim ng mga ideya at pananaw na ito ng wastong asal ay nangangahulugang baluktot at limitado ang mga kaisipan ng sangkatauhan, at na nabubuhay ang mga tao sa hindi normal at mahalay na paraan sa ilalim ng pagpipigil ng mga nakalilinlang na ideya at perspektibang ito, hindi ba? (Oo.) Ayaw ng mga taong mamuhay nang ganito, at ayaw nilang gawin ito, ngunit hindi sila makawala sa mga limitasyon ng mga ideolohikal na gapos na ito. Ang tanging magagawa nila ay mabuhay nang may pag-aatubili at sapilitan sa ilalim ng impluwensiya at paglilimita ng mga ideya at pananaw na ito. Kasabay nito, dala ng panggigipit ng opinyon ng madla at ng mga ideya at pananaw na ito sa kanilang puso, wala silang magagawa kundi pahabain ang kanilang hindi marangal na pag-iral sa mundong ito gamit ang balatkayo ng sunod-sunod na pagpapaimbabaw. Ito ang bunga ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal para sa sangkatauhan. Naunawaan na ba ninyo ito? (Oo.) Habang mas pinagbabahaginan at hinihimay natin ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal, lalong nakikita nang malinaw ng mga tao ang mga iyon, at lalo nilang nadarama na hindi positibong mga bagay ang iba’t ibang kasabihang ito sa tradisyonal na kultura. Nailigaw at napinsala na ng mga iyon ang mga tao sa loob ng libo-libong taon, hanggang sa puntong kahit na pagkatapos mapakinggan ng mga tao ang mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, hindi pa rin nila maalis sa kanilang sarili ang impluwensiya ng mga ideya at pananaw na ito mula sa tradisyonal na kultura, at hinahangad pa nga nila ang mga iyon na para bang mga positibong bagay. Maraming tao pa nga ang gumagamit sa mga iyon bilang pamalit sa katotohanan, at isinasagawa ang mga iyon bilang ang katotohanan. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan ngayong araw, nagtamo na ba kayo ng mas mabuti at mas tumpak na pagkaunawa sa mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura? (Oo.) Ngayong mayroon na kayong kaunting pagkaunawa sa mga iyon, ipagpatuloy na natin ang pagbabahaginan ukol sa ibang kasabihan tungkol sa wastong asal.
Susunod ay pagbabahaginan natin ang ukol sa kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal.” Nakikita naman ninyo, bawat isa sa mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay lubhang mabulaklak at makayanig-lupa, na para bang ang bawat isa ay puno ng isang klase ng magiting na diwa at ng mga katangian ng mga dakilang tao, at imposibleng makamit ng isang pangkaraniwan o ordinaryong tao. “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal”—ang tindi naman ng kalawakan ng pag-iisip na kakailanganin niyon! Ang bait, buti ng loob at dakila naman ng personalidad na kakailanganin mo upang magawa iyon! Ang “isang patak ng kabutihan” ay katumbas ng “umaagos na bukal,” ngunit kasabay nito, pinalalabas ng pagtutumbas na ito na may di-masusukat na agwat at malaking pagkakaiba sa pagitan ng dalawa. Nangangahulugan itong kailangan mong suklian ang kahit isang patak ng kabutihan, ngunit ng ano? Dapat itong suklian ng umaagos na bukal, ng maraming kilos o pag-uugali o nang may matinding sinseridad at napakatinding kagustuhan, sa halip na makalimutan. Ganito karami ang kinakailangan upang masuklian ang isang patak ng kabutihan, at kung susuklian mo ito ng anumang mas kaunti roon, wala kang konsensiya. Ayon sa lohikang ito, hindi ba’t ang taong nagpakita ng kabutihan ang siya ring hindi patas na makikinabang sa huli? Itong taong tumutulong ay talagang nakikinabang nang malaki sa kanyang kabutihan! Nagpapakita siya ng kabaitan sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang patak ng kabutihan at nakakukuha siya ng umaagos na bukal bilang kapalit. Isa itong transaksyong napakalaki ng balik, at isang paraan upang makinabang nang malaki ngunit iba ang magdurusa. Hindi ba’t totoo ito? Sa buhay na ito, tatanggapin ng bawat tao ang isang patak ng kabutihan. Kung kailangan nilang lahat na suklian iyon ng umaagos na bukal, buong buhay nila ang kanilang igugugol upang masuklian iyon, at hindi nila matutupad ang alinman sa kanilang responsabilidad sa pamilya at lipunan, lalo na ang isaalang-alang ang kanilang landas sa buhay. Kung magtatamasa ka ng isang patak ng kabutihan ngunit mabibigo kang suklian ito ng umaagos na bukal, kokondenahin ka ng iyong konsensiya at ng lipunan, at isang rebelde, kontrabida, at walang utang na loob, at hindi tao ang magiging tingin mo sa iyong sarili. Ngunit paano kung kayang suklian ng isang tao ang kabutihang iyon ng umaagos na bukal? Sasabihin niya, “Wala nang taong mas may konsensiya kaysa sa akin, dahil kaya kong suklian ang isang patak ng kabutihan ng umaagos na bukal. Sa ganitong paraan, makikita ng taong minsang tumulong at nagpakita ng kabutihan sa akin kung anong klase ako ng tao, at kung nalugi siya sa pagtulong sa akin o hindi, at kung naging sulit sa kanya ang pagtulong sa akin. Sa ganitong paraan, kailanman ay hindi niya ito malilimutan, at mahihiya pa nga siya. Bukod pa roon, patuloy ko siyang babayaran. Yamang kaya kong suklian ang isang patak ng kabutihan ng umaagos na bukal, hindi ba’t isa akong taong may marangal na moralidad at pagkatao? Hindi ba’t isa akong maginoo? Hindi ba’t isa akong dakilang tao? Hindi ba’t karapat-dapat akong hangaan?” Pupurihin at papalakpakan siya ng lahat, at mapupukaw nito nang matindi ang kanyang damdamin, kaya’t sasabihin niya, “Yamang pinupuri ninyo ako bilang isang mabait na tao, isang taong may marangal na karakter, isang halimbawa sa mga tao, at isang huwaran ng moralidad ng sangkatauhan, pagkamatay ko, dapat kayong magtayo ng monumento para sa akin at sulatan ang aking lapida ng ‘Ang taong ito ay isang ehemplo ng kasabihang “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” at matatawag na isang halimbawa ng moralidad ng sangkatauhan.’” Ngunit kahit na maitayo na ang monumento, sa palagay niya ay dapat din silang gumawa ng luwad na rebulto sa kanyang imahe at ilagay ito sa templo, pagkatapos ay isulat dito ang tanyag niyang pangalan: “Dambana ng Diyos Ganito-at-Ganyan,” at maglagay ng isang altar ng insenso sa ilalim nito, kung saan dapat siyang bigyan ng lahat ng mga handog na insenso, nang sa gayon ay tuloy-tuloy itong masunog para sa kanyang kapakanan. Dagdag pa rito, dapat na magkaroon ang mga tao ng maliliit na rebulto niya sa kanilang mga tahanan, at magsunog ng insenso, at yumuko sa kanya nang tatlong beses sa isang araw, at turuan ang kanilang mga anak at apo at ang mga nakababatang henerasyon na maging katulad niya, sabihin sa kanilang mga anak na lalaki at babae na dapat silang makapangasawa ng taong tulad niya, isang taong kayang suklian ang isang patak ng kabutihan ng umaagos na bukal—isang huwaran at isang modelo ng moralidad ng sangkatauhan. Ang tradisyonal na paraan ng pagtuturo ng mga Tsino ay turuan ang kanilang mga anak na maging mabubuting tao, at bigyang-diin ang pagkilala sa kabutihan at pagsisikap na masuklian ito. Kung makatatanggap ka ng isang patak ng kabutihan, dapat mo itong suklian ng isang buhay ng pagsusumikap, ibig sabihin, ng umaagos na bukal. Paglaki ng mga bata, tuturuan din nila ang mga susunod na henerasyon sa ganoong paraan, kung kaya’t nagpapatuloy ito, ipinapasa-pasa mula sa isang henerasyon papunta sa kasunod. Kapag kaya nang suklian ng gayong tao ang isang patak ng kabutihan ng umaagos na bukal, nakamtan na rin niya ang sukdulan niyang mithiin. Ano ang mithiing kanyang nakamtan? Ang makilala at matanggap ng mga makamundong tao at ng lipunan. Siyempre, pangalawa lang ito. Ang pinakamahalagang bagay ay ang isabit ng mga tao ang kanyang larawan sa kanilang mga dingding at maghandog sa kanyang rebulto, at matamasa niya ang nasusunog na insenso ng mundong ito mula sa bawat henerasyon, at maipasa-pasa ang kanyang diwa at mga ideya sa mundo at makakuha ng papuri sa mga susunod na henerasyon ng mga tao. Sa huli, pagkatapos magpakasasa sa nasusunog na insenso ng mundong ito, ano ang mangyayari sa kanya? Magiging isa siyang haring diyablo, at natupad na sa wakas ang kanyang mithiin. Ito ang sukdulang kahihinatnan ng paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Sa simula, tinatanggap lamang ng mga tao ang isang ideya sa tradisyonal na kultura tungkol sa wastong asal, tulad ng kabutihang-loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan. Kalaunan, sumusunod na sila sa kinakailangan ng ideyang ito, nagpapakita ng halimbawa sa iba sa pamamagitan ng puspusang pagsasagawa sa ideya at sa kinakailangang ito at pagsunod sa mga iyon, at nakakamtan nila ang mithiin ng pagiging isang modelo at huwaran ng moralidad para sa buong sangkatauhan. Tapos pagkamatay nila, mag-iiwan sila ng magandang reputasyon, na ipapasa-pasa sa mga henerasyon. Sa wakas, makukuha nila ang kanilang ninanais, ang malanghap ang nasusunog na insenso ng mundong ito sa loob ng maraming taon at maging isang hari ng mga demonyo. Isa ba itong mabuting bagay? (Hindi.) Bakit sinasabi ninyong hindi ito isang mabuting bagay? Ito ang sukdulang layong hinahangad sa buhay ng isang walang pananampalataya. Sinasang-ayunan niya ang mga ideya tungkol sa isang partikular na wastong asal, pagkatapos ay nangunguna sa pamamagitan ng pagiging halimbawa, sinisimulan ang pagpapatupad sa mga kinakailangan tungkol sa wastong asal na ito hanggang sa wakas ay dumating siya sa puntong pinupuri na siya ng lahat bilang isang mabuting tao, isang mabait na tao, at isang tanyag na tao, at isang taong may marangal na karakter. Kumakalat sa buong sangkatauhan ang balita tungkol sa kanyang pag-uugali at mga gawa, at pinag-aaralan at iginagalang ng mga henerasyon ng mga tao ang kanyang pag-uugali at mga gawa, hanggang sa huli ay maging modelo ang taong iyon para sa isang buong henerasyon, at siyempre, maging hari ng mga demonyo para sa isang buong henerasyon. Hindi ba’t ito ang landas na tinatahak ng mga makamundong tao? Hindi ba’t ito ang resultang hinahangad ng mga makamundong tao? Mayroon ba itong kaugnayan sa katotohanan? May kaugnayan ba ito sa pagliligtas ng Diyos? Wala itong anumang kaugnayan. Gayon ang panghuling resulta ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal para sa mga tao. Kung lubos na tatanggapin ng isang tao ang lahat ng iba’t ibang ideya sa tradisyonal na kultura at ganap na susundin ang mga iyon, walang dudang ang landas na kanyang tinatahak ay ang daan ng mga demonyo. Kung tinahak mo na ang daan ng mga demonyo at hindi ka na tatalikod pa, wala ka nang kaugnayan sa gawain ng Diyos na pagliligtas sa mga tao, at talagang wala ka nang kinalaman sa kaligtasan. Samakatuwid, kung sa pagbuo ng pag-unawa sa katotohanan ay nalilimitahan at naiimpluwensiyahan ka pa rin ng mga ideya ng tradisyonal na kultura, at kasabay niyon, sa ilalim ng impluwensiya ng mga ideyang ito ay sumusunod ka sa mga batas ng mga iyon, at sumusunod sa mga kinakailangan at kasabihang ito, hindi mo nagagawang maghimagsik o bumitiw sa mga iyon, at hindi mo matanggap ang mga kinakailangan mula sa Diyos, hahantong ka sa pagsunod sa daan ng mga demonyo at pagiging hari ng mga demonyo. Naiintindihan mo naman iyon, hindi ba? Walang teorya o kasabihan sa mundo ang makapapalit sa landas ng kaligtasang ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan, kahit pa ang pinakamatataas na moral na pamantayan sa mundo. Kung nais ng mga taong tahakin ang tamang landas, ang landas ng kaligtasan, matatamo lamang nila ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagharap sa Diyos, sa mapagkumbaba at walang sawang pagtanggap sa mga salita ng Diyos, sa pagtanggap sa lahat ng iba’t ibang pahayag at kinakailangang mula sa Kanya, at sa pag-asal at pagkilos na ang pamantayan ay ang mga salita ng Diyos. Kung hindi, imposibleng matahak ng mga tao ang tamang landas sa buhay, at makasusunod lamang sila sa mga pilosopiya ni Satanas sa landas ng kapahamakan. Sinasabi ng ilang tao, “Mayroon bang gitnang daan?” Wala, tanging ang daan ng Diyos o ang maladiyablong daan ni Satanas ang susundin mo. Dalawa lamang ang daan. Kung hindi mo susundin ang daan ng Diyos, walang dudang sumusunod ka sa iba’t ibang ideyang dinala sa iyo ni Satanas at sa iba’t ibang maladiyablong gawing idinudulot ng gayong mga ideya. Kung nais mong makipagkompromiso sa pamamagitan ng pagtahak sa gitnang daan o kung anumang pangatlong daan, imposible iyon. Malinaw ba ang puntong ito? (Oo.) Hindi Ko na palalawigin pa ang kasabihang “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” dahil halos katulad ito ng kasabihang “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” na nauna na nating napagbahaginan. Ang diwa ng dalawang kasabihang ito ay lubhang magkatulad, kaya hindi na ito kailangan pang talakayin nang mas detalyado.
Pag-usapan naman natin ngayon ang susunod na kasabihan tungkol sa wastong asal—ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo. Napakadali na dapat kilatisin ng isang ito, hindi ba? Kung ihahambing sa mga hinihingi ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal na pinag-usapan natin noon, malinaw na isa ring mahigpit na panuntunan ang kasabihang ito na gumagapos sa mga tao. Bagama’t sa teorya ay mukha itong malawak at kahanga-hanga, at tila walang mali rito, at mukhang isa itong simpleng prinsipyo sa pakikitungo sa mga tao, walang anumang saysay ang simpleng prinsipyong ito pagdating sa kung paano umasal at pakitunguhan ang mga tao, at wala itong naitutulong sa pag-asal o paghahangad sa buhay ng isang tao. Hindi isang prinsipyo na dapat sumunod ang mga tao sa kanilang asal at pag-uugali, ni hindi rin isang prinsipyo para sa tao na hangarin ang tamang direksyon at layunin sa buhay. Kahit sundin mo pa ang hinihinging ito, ang magagawa lang nito ay pigilan ka sa paggawa ng anumang di-makatwirang bagay kapag nakikitungo ka sa mga tao, ngunit hindi ibig sabihin nito na may tunay kang pagmamahal sa mga tao o talagang tumutulong ka sa kanila, lalong hindi ito nagpapatunay na nasa tamang landas ka sa buhay. Sa literal na diwa, ang ibig sabihin ng “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” ay na kung hindi mo gusto ang isang bagay, o hindi mo gustong gawin ang isang bagay, hindi mo rin dapat ipilit ito sa ibang mga tao. Tila ba matalino at makatwiran ito, ngunit kung gagamitin mo ang satanikong pilosopiyang ito sa pagharap sa bawat sitwasyon, makagagawa ka ng maraming pagkakamali. Malamang na masasaktan, maililigaw, o mapipinsala mo pa nga ang mga tao. Gaya lamang ng kung paanong hindi mahilig mag-aral ang ilang magulang, ngunit gusto nilang mag-aral ang kanilang mga anak, at laging hinihikayat at hinihimok ang mga itong mag-aral mabuti. Kung iaangkop mo rito ang hinihingi na “ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” hindi dapat pilitin ng mga magulang na ito ang kanilang mga anak na mag-aral, dahil sila mismo ay hindi nasisiyahan doon. May ibang tao na nananalig sa Diyos, ngunit hindi hinahangad ang katotohanan; subalit sa puso nila ay alam nila na ang pananalig sa Diyos ang tamang landas sa buhay. Kung nakikita nilang hindi sumasampalataya sa Diyos at wala sa tamang landas ang kanilang mga anak, hinihimok nila ang mga ito na manalig sa Diyos. Kahit na hindi nila mismo hinahangad ang katotohanan, gusto pa rin nilang hangarin ito ng mga anak nila at pagpalain ang mga ito. Sa ganitong sitwasyon, kung susunod sila sa kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” hindi dapat pilitin ng mga magulang na ito ang kanilang mga anak na manalig sa Diyos. Magiging alinsunod iyon sa satanikong pilosopiyang ito, ngunit masisira rin nito ang pagkakataon ng kanilang mga anak na maligtas. Sino ang responsable sa resultang ito? Hindi ba’t nakapipinsala sa mga tao ang tradisyonal na kasabihan tungkol sa wastong asal na ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo? Narito pa ang isang halimbawa. May ilang magulang na hindi kuntento sa pamumuhay nang sumusunod sa tungkulin at sa batas. Hindi sila handang magsaka o magtrabaho para suportahan ang kanilang pamilya. Sa halip ay mahilig silang mandaya, manloko o magsugal, gumamit ng mga di-matuwid na pamamaraan upang kumita nang hindi marangal, nang sa gayon ay magkaroon sila ng marangyang buhay, magpakasaya at magpakaligaya sa mga kagustuhan ng laman. Ayaw nilang magtrabaho nang marangal, o sumunod sa tamang landas. Ito ang hindi nila gusto, tama ba? Alam nila sa puso nila na hindi ito maganda. Sa sitwasyong ito, paano nila dapat turuan ang kanilang mga anak? Ang mga normal na tao ay tuturuan ang kanilang mga anak na mag-aral nang mabuti at magpakadalubhasa sa isang kasanayan upang makahanap ang mga ito ng magandang trabaho sa hinaharap, at hihikayatin nila ang mga ito na sumunod sa tamang landas. Pagtupad ito sa responsabilidad ng isang tao bilang isang magulang, hindi ba? (Oo, ganoon nga.) Tama ito. Ngunit kung susunod sila sa kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” sasabihin nila, “Anak, tingnan mo ako. Kaya kong gawin ang lahat ng klase ng bagay sa buhay, gaya ng pagkain sa mga mamahaling kainan, madalas na pagpunta sa mga bayarang babae at pagsusugal. Nakararaos ako sa buhay kahit hindi ako nakapag-aral o natuto ng isang kasanayan. Matuto ka sa akin sa hinaharap. Hindi mo kailangang pumasok sa paaralan at mag-aral nang mabuti. Matuto kang magnakaw, mandaya, at magsugal. Pwede ka pa ring magkaroon ng komportableng buhay sa mga natitirang araw ng buhay mo!” Tama bang gawin iyon? May nagturo ba nang ganito sa kanilang mga anak? (Wala.) Ito ay “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” hindi ba? Hindi ba’t lubos nang napabulaanan ng mga halimbawang ito ang kasabihang ito? Walang anumang tama rito. Halimbawa, hindi minamahal ng ilang tao ang katotohanan; nagnanasa sila ng mga kaginhawahan ng laman, at naghahanap ng mga paraan para magpakatamad sa pagganap ng kanilang tungkulin. Ayaw nilang magdusa o magbayad ng halaga. Iniisip nila na maganda ang sinasabi ng kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” at sinasabi nila sa mga tao, “Dapat kayong matuto kung paano magsaya. Hindi ninyo kailangang isagawa nang maayos ang inyong tungkulin o maghirap o magbayad ng halaga. Kung maaari kayong magpakatamad, magpakatamad kayo; kung maaari kayong maging pabasta-basta sa isang bagay, gawin ninyo iyon. Huwag ninyo masyadong pahirapan ang sarili ninyo. Tingnan ninyo, ganito ako mamuhay—masarap, hindi ba? Perpekto talaga ang buhay ko! Pinapagod ninyo ang sarili ninyo sa pamumuhay nang ganyan! Dapat kayong matuto sa akin.” Tumutugon ba ito sa hinihingi na “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo”? Kung kikilos ka sa ganitong paraan, isang tao ka ba na may konsensiya at katwiran? (Hindi.) Kung mawalan ng konsensiya at katwiran ang isang tao, hindi ba’t wala siyang kabutihan? Ang tawag dito ay kawalan ng kabutihan. Bakit ganito ang tawag natin dito? Dahil inaasam nila ang ginhawa, pabasta-basta sila sa kanilang tungkulin, at sinusulsulan at iniimpluwensiyahan nila ang iba na sumama sa kanila sa pagiging pabasta-basta at sa pananabik sa ginhawa. Ano ang problema rito? Ang pagiging pabasta-basta at pagiging iresponsable sa iyong tungkulin ay isang panlalansi at paglaban sa Diyos. Kung patuloy kang magiging pabasta-basta at hindi ka magsisisi, malalantad ka at matitiwalag. Maraming tao sa iglesia ang pinaaalis nang ganito. Hindi ba’t totoo ito? (Oo, ganoon nga.) Kaya sa pagsunod sa kasabihang ito at pag-udyok sa lahat ng tao na maging tulad nila, upang hindi masigasig na gampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin, kundi lokohin at linlangin ang Diyos, hindi ba’t pagdudulot ito ng kapahamakan sa mga tao at paghahatid sa kanila sa kanilang pagbagsak? Sila mismo ay mga tamad at tuso, at hinahadlangan pa nila ang iba sa pagganap sa mga tungkulin ng mga ito. Hindi ba’t paggambala at panggugulo ito sa gawain ng iglesia? Hindi ba’t paglaban ito sa Diyos? Pwede bang panatilihin ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao? Ipagpalagay nating may isang taong nagtatrabaho sa kompanya ng mga walang pananampalataya ang nang-uudyok sa ibang empleyadong huwag gawin nang maayos ang trabaho nila. Hindi ba’t tatanggalin siya ng amo niya kapag nalaman nito iyon? Tiyak na patatalsikin siya nito. Kaya kung nagagawa pa rin niya ito habang ginagampanan ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, isa ba siyang taong sumasampalataya sa Diyos? Isa itong masamang tao at hindi mananampalatayang pinasok ang sambahayan ng Diyos. Kailangan siyang paalisin at itiwalag! Matapos mapakinggan ang mga halimbawang ito, medyo nakikita na ba ninyo ang diwa ng kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo”? (Oo, nakikita na namin.) Ano ang pangwakas na konklusyong nabuo ninyo? Isa bang katotohanang prinsipyo ang kinakailangang ito? (Hindi.) Malinaw namang hindi. Kaya ano ito? Isa lamang itong malabong kasabihan, isang kasabihang masarap pakinggan, ngunit wala naman talagang praktikal na kabuluhan.
Tagapagtaguyod ba kayo ng kasabihan tungkol sa wastong asal na, “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo”? Kung tagapagtaguyod ng kasabihang ito ang isang tao, palagay ba ninyo ay dakila siya at marangal? May ilan na magsasabing, “Hindi naman siya namimilit, hindi niya pinahihirapan ang iba, o inilalagay sila sa alanganin. Hindi ba’t ang bait niya? Lagi silang mahigpit sa kanilang sarili subalit mapagparaya sa iba; hindi niya kailanman ipagagawa sa sinuman ang isang bagay kung siya mismo ay hindi ito gagawin. Binibigyan niya ng malaking kalayaan ang iba, at ipinararamdam sa mga ito ang matinding pagmamahal at pagtanggap. Kaybait niyang tao!” Gayon ba talaga ang sitwasyon? Ang implikasyon ng kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” ay na dapat mo lamang ibigay o itustos sa iba ang mga bagay na gusto at ikinasisiya mo mismo. Ngunit anong mga bagay ang gusto at ikinasisiya ng mga tiwaling tao? Mga tiwaling bagay, mga di-makatwirang bagay, at maluluhong pagnanasa. Kung ibibigay at itutustos mo sa mga tao ang mga negatibong bagay na ito, hindi ba’t magiging mas lalong tiwali ang buong sangkatauhan? Mababawasan nang mababawasan ang mga positibong bagay. Hindi ba’t totoo ito? Totoo na lubhang tiwali ang sangkatauhan. Gustong hangarin ng mga tiwaling tao ang katanyagan, pakinabang, katayuan, at mga kasiyahan ng laman; nais nilang maging mga tanyag na tao, maging makapangyarihan at higit sa karaniwang tao. Nais nila ng komportableng buhay at ayaw nila ng mahirap na trabaho; nais nilang iabot na lamang sa kanila ang lahat ng bagay. Napakakakaunti sa kanila ang nagmamahal sa katotohanan o mga positibong bagay. Kung ibibigay at itutustos ng mga tao sa iba ang kanilang katiwalian at mga pagkiling, ano ang mangyayari? Katulad lamang ito ng mawawari ninyo: Magiging mas lalong tiwali ang sangkatauhan. Hinihiling ng mga tagapagtaguyod ng ideyang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” na ibigay at itustos ng mga tao sa iba ang kanilang katiwalian, mga pagkiling, at maluluhong pagnanasa, na ginagawa ang ibang mga tao na maghangad ng kasamaan, ginhawa, pera, at pag-unlad. Ito ba ang tamang landas sa buhay? Malinaw na makikita na may malaking problema sa kasabihang “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo”. Ang mga kamalian at kapintasan doon ay napakalinaw; ni hindi iyon nararapat na suriin at unawain. Sa pinakamaliliit na pagsusuri, malinaw na makikita ang mga mali at katawa-tawang bagay roon. Gayunman, marami sa inyo ang madaling mahikayat at maimpluwensiyahan ng kasabihang ito at tinatanggap ito nang walang pagkilatis. Kapag nakikipag-ugnayan sa iba, madalas ninyong gamitin ang kasabihang ito para paalalahanan ang sarili ninyo at payuhan ang iba. Sa paggawa nito, inaakala ninyo na ang inyong pagkatao ay partikular na marangal, at na napakamakatwiran ng pag-asal ninyo. Ngunit hindi mo natatanto, naihayag na ng mga salitang ito ang prinsipyong ipinamumuhay mo at kung nasaang panig ka pagdating sa mga isyu. Kasabay nito, nalihis at nailigaw mo ang iba na unawain ang mga tao at sitwasyon nang may pananaw at panig na kapareho ng sa iyo. Talagang hindi ka makapagdesisyon, at ganap na hindi makapanindigan. Sinasabi mo, “Anuman ang isyu, hindi iyon kailangang seryosohin. Huwag mong pahirapan ang sarili mo o ang iba. Kung pahihirapan mo ang ibang tao, pinahihirapan mo ang sarili mo. Ang pagiging mabait sa iba ay pagiging mabait sa sarili mo. Kung mahigpit ka sa ibang tao, mahigpit ka sa sarili mo. Bakit mo pahihirapan ang sarili mo? Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo ang pinakamainam na bagay na magagawa mo para sa sarili mo, at ang pinakamapagsaalang-alang.” Ang saloobing ito ay malinaw na hindi pagiging metikuloso sa anumang bagay. Wala kang tamang panig o pananaw sa anumang isyu; magulo ang pananaw mo sa lahat ng bagay. Hindi ka metikuloso at nagbubulag-bulagan ka na lang sa mga bagay-bagay. Kapag sa wakas ay tumayo ka na sa harap ng Diyos at sinuri ang sarili mo, magiging masyadong magulo iyon. Bakit? Dahil lagi mong sinasabing dapat ay ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo. Lubha itong nakapapanatag at nakasisiya, ngunit kasabay nito ay magdudulot ito sa iyo ng malaking problema, kaya hindi ka magkakaroon ng malinaw na pananaw o panig sa maraming bagay. Siyempre pa, ginagawa ka rin nitong hindi maunawaan nang malinaw kung ano ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos para sa iyo kapag naranasan mo ang mga sitwasyong ito, o kung ano ang resultang dapat mong makamtan. Nangyayari ang mga bagay na ito dahil hindi ka metikuloso sa anumang bagay; dulot ang mga ito ng magulong saloobin at pananaw mo. Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo ba ang mapagparayang saloobing dapat mong taglayin para sa mga tao at bagay? Hindi. Teorya lamang iyon na mukhang tama, marangal, at mabait kung titingnan, ngunit ang totoo ay lubos itong negatibo. Malinaw na lalong hindi ito katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao. Hindi ipinag-uutos ng Diyos na huwag gawin ng mga tao sa kapwa nila ang ayaw nilang gawin sa kanila, sa halip ay hinihiling Niya sa mga tao na maging malinaw sa mga prinsipyong dapat nilang sundin kapag nahaharap sila sa iba’t ibang sitwasyon. Kung tama at naaayon ito sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, kailangan mong kumapit dito. At bukod sa kailangan mong kumapit dito, kailangan mo ring pagsabihan, hikayatin, at bahaginan ang iba, upang maunawaan nila kung ano ba mismo ang mga layunin ng Diyos, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ay iyong responsabilidad at obligasyon. Hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na hindi ka manindigan, at lalong hindi Niya hinihinging ipagpasikat mo kung gaano ka kabuti. Dapat kang kumapit sa mga bagay na ipinayo at itinuro ng Diyos sa iyo, at sa tinutukoy ng Diyos sa Kanyang mga salita: ang mga kinakailangan, ang mga pamantayan, at ang mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao. Hindi ka lamang kailangang kumapit sa mga iyon, at panghawakan ang mga iyon magpakailanman, bagkus ay kailangan mo ring isagawa ang mga katotohanang prinsipyong ito sa pamamagitan ng pagiging halimbawa, gayundin ay hikayatin, pangasiwaan, tulungan, at gabayan ang iba na kumapit, sumunod, at isagawa ang mga iyon sa parehong paraang ginagawa mo. Hinihingi ng Diyos na gawin mo ito—ito ang ipinagkakatiwala Niya sa iyo. Hindi maaaring hingan mo lang ng mga kinakailangan ang sarili mo habang binabalewala ang iba. Hinihingi ng Diyos na manindigan ka nang tama sa mga isyu, panghawakan mo ang mga tamang pamantayan, at alamin mo kung ano mismo ang mga pamantayan sa mga salita ng Diyos, at na malaman mo kung ano mismo ang mga katotohanang prinsipyo. Kahit pa hindi mo ito maisakatuparan, kahit pa ayaw mong gawin ito, hindi mo ito gusto, mayroon kang mga haka-haka, o nilalabanan mo ito, kailangan mong ituring ito bilang responsabilidad mo, bilang obligasyon mo. Kailangan mong makipagbahaginan sa mga tao tungkol sa mga positibong bagay na nagmumula sa Diyos, sa mga bagay na tama at wasto, at gamitin ang mga iyon para matulungan, maimpluwensiyahan, at magabayan ang iba, upang makinabang at mapalakas ang mga tao dahil sa mga ito, at tumahak sila sa tamang landas sa buhay. Ito ay iyong responsabilidad, at hindi ka dapat magmatigas na kumapit sa ideya na “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” na naitanim ni Satanas sa isipan mo. Sa mga mata ng Diyos, ang kasabihang iyan ay isa lamang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo; isa itong paraan ng pag-iisip na nagtataglay ng panlalansi ni Satanas; hindi talaga ito ang tamang landas, ni hindi ito isang positibong bagay. Ang hinihingi lamang sa iyo ng Diyos ay maging isa kang matuwid na tao na malinaw na nauunawaan kung ano ang kanyang dapat at hindi dapat gawin. Hindi Niya hinihiling sa iyo na maging mapagpalugod ng mga tao o maging isang taong hindi makapanindigan; hindi Niya hiniling sa iyo na wala kang panigan. Kapag ang isang bagay ay tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, kailangan mong sabihin ang kailangang sabihin, at unawain ang kailangang unawain. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang isang bagay ngunit nauunawaan mo ito, at maaari mo siyang gabayan at tulungan, kailangang-kailangan mong tuparin ang responsabilidad at obligasyong ito. Hindi ka dapat tumayo-tayo lang sa tabi at manood, at lalong hindi ka dapat kumapit sa mga pilosopiyang itinanim ni Satanas sa iyong isipan tulad ng ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang tama at positibo ay tama at positibo kahit pa hindi mo ito gusto, ayaw mo itong gawin, hindi mo ito kayang gawin at tuparin, nilalabanan mo ito, o nagkakaroon ka ng mga kuru-kuro laban dito. Hindi magbabago ang diwa ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan dahil lamang may mga tiwaling disposisyon at may mga partikular na emosyon, damdamin, pagnanasa at kuru-kuro ang sangkatauhan. Ang diwa ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan ay hinding-hindi magbabago kailanman. Sa sandaling malaman, maunawaan, maranasan at matamo mo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, obligasyon mong ibahagi sa iba ang iyong mga patotoong batay sa karanasan. Magbibigay-daan ito sa mas marami pang tao na maunawaan ang mga layunin ng Diyos, maintindihan at makamit ang katotohanan, maunawaan ang mga hinihingi at mga pamantayan ng Diyos at maintindihan ang mga katotohanang prinsipyo. Sa paggawa nito, magkakaroon ang mga taong ito ng landas sa pagsasagawa kapag naharap sila sa mga suliranin sa kanilang pang-araw-araw na buhay at hindi sila malilito o maigagapos ng iba’t ibang ideya at pananaw ni Satanas. Ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo” ay talagang tunay na tusong pakana ni Satanas upang kontrolin ang isipan ng mga tao. Kung lagi mo itong susundin, isa kang taong namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; isang taong ganap na nabubuhay sa isang satanikong disposisyon. Kung hindi mo susundan ang daan ng Diyos, hindi mo mahal o hinahangad ang katotohanan. Anuman ang mangyari, ang prinsipyong dapat mong sundin at ang pinakamahalagang bagay na kailangan mong gawin ay ang tulungan ang mga tao hangga’t kaya mo. Hindi mo dapat isagawa ang sinasabi ni Satanas na “ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” at maging isang “matalino” na taong mapagpalugod ng mga tao. Ano ang ibig sabihin ng tulungan ang mga tao hangga’t kaya mo? Ang ibig sabihin nito ay pagtupad sa iyong mga responsabilidad at obligasyon. Sa sandaling makita mo na bahagi ng iyong mga responsabilidad at obligasyon ang isang bagay, dapat kang magbahagi tungkol sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ito ang ibig sabihin ng pagtupad sa iyong mga responsabilidad at obligasyon. Talaga bang nalinaw na ng pagbabahaginang ito ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo”? Naunawaan na ba ninyo ito? (Oo.) Medyo madaling kilatisin ang kasabihang ito, at matutukoy ninyo kung ano ang mali rito nang hindi ito masyadong pinag-iisipan. Napakakatawa-tawa talaga nito, kaya hindi na ito kailangang mas detalyado pang pagbahaginan.
Pagbahaginan naman natin ngayon ang susunod na kasabihan tungkol sa wastong asal—Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan. Ito ay tila isang dakilang pahayag na lubhang laganap sa sangkatauhan. Partikular na, ginagamit ng mga taong nagpapahalaga sa sentimyento at nagbibigay ng importansya sa kapatiran ang kasabihang ito bilang isang kawikaan para magkaroon ng maraming kaibigan. Sa alinmang panahon o pangkat etniko ito ginagamit, nananatiling matibay ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal na “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan.” Ibig sabihin nito, medyo umaayon ito sa konsensiya at katwiran ng sangkatauhan. Mas partikular na, umaayon ang kasabihang ito sa konsepto ng “kapatiran” na sinusunod ng mga tao sa kanilang konsensiya. Ang mga taong nagpapahalaga sa kapatiran ay magiging handang humarap sa panganib para sa isang kaibigan. Gaano man kahirap at kapanganib ang sitwasyong kinalalagyan ng kanilang kaibigan, magpiprisinta sila at haharap sa panganib para sa kanya. Ito ang diwa ng pagsasakripisyo sa sariling mga interes ng isang tao alang-alang sa iba. Ang itinatanim sa mga tao ng kasabihan tungkol sa wastong asal na “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” sa madaling salita, ay pahalagahan ang kapatiran. Ang pamantayang hinihingi nitong itaguyod ng sangkatauhan ay kailangang pahalagahan ng isang tao ang kapatiran: Iyon ang diwa ng kasabihang ito. Ano ba ang ibig sabihin ng salitang “kapatiran” na ito? Ano ang pamantayan para sa kapatiran? Ito ay ang magawang isakripisyo ng isang tao ang sarili niyang mga interes para sa isang kaibigan at gawin ang lahat upang mabigyang-lugod ito. Anuman ang kailangan ng iyong kaibigan, may pananagutan kang ibigay ang anumang kinakailangang tulong, at kung ibig sabihin niyon ay ibubuwis mo ang buhay mo, puwes sige lang. Ito ang kinakailangan upang maging isang tunay na kaibigan, at ito lamang ang maituturing na tunay na kapatiran. Ang isa pang interpretasyon sa kapatiran ay kung magagawa mong ibuwis ang buhay mo, ialay ang buhay mo, o ilagay ang buhay mo sa panganib para sa isang kaibigan, nang hindi iniisip ang buhay o kamatayan. Isa itong pagkakaibigang nananatili sa gitna ng mga nakamamatay na paghihirap, isang buhay-at-kamatayang pagkakaibigan, at ito ang tunay na kapatiran. Ito ang kahulugan ng isang kaibigan batay sa mga kinakailangan sa wastong asal. Kailangan ay handa kang humarap sa panganib para sa iyong mga kaibigan upang maituring na isang tunay na kaibigan, ito ang pamantayan ng wastong asal na dapat sundin ng isang tao kapag nakikitungo sa kanyang mga kaibigan, at ito ang kinakailangan para sa wastong asal ng mga tao pagdating sa pakikipagkaibigan. Ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan” ay lumilitaw na masyadong magiting at makatarungan, at lubhang dakila at marangal, at pinupukaw nito ang paghanga at pagsang-ayon ng mga tao, at ipinadarama sa mga tao na ang mga kayang gumawa ng ganoong bagay ay parang mga supernatural na imortal na sumusulpot mula sa mga bitak ng mga bato, at dahil dito ay iniisip nilang napakamakatarungan ng mga taong ito, na parang mga kabalyero o eskrimador. Iyon ang dahilan kung bakit agad na tinatanggap ng mga tao ang ganoon kasimple at tuwirang mga ideya at pananaw, at madaling tumitimo ang mga ito sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Ganoon din ba ang nararamdaman ninyo tungkol sa kasabihang “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan”? (Oo.) Bagama’t sa panahong ito, kaunti na lang ang mga taong haharap sa panganib para sa isang kaibigan, karamihan sa mga tao ay umaasang magiging handa ang kanilang mga kaibigang humarap sa panganib para sa kanila, at na matatapat na tao ang mga ito, mabubuting kaibigan, at sa panahon ng kagipitan, tutulungan sila ng kanilang mga kaibigan nang hindi nagdadalawang-isip at hindi nagtatakda ng anumang kondisyon, at na gagawin ng kanilang mga kaibigan ang kahit na ano para sa kanila, lalabanan ang lahat ng paghihirap at hindi matitinag ng panganib. Kung katulad niyon ang hinihingi mo sa mga kaibigan mo, ipinakikita kaya nitong naiimpluwensyahan at iginagapos ka pa rin ng ideyang ito ng pagharap sa panganib para sa isang kaibigan? Masasabi mo bang namumuhay ka pa rin ayon sa luma at tradisyonal na paraang ito ng pag-iisip? (Oo.) Sa panahon ngayon, madalas idaing ng mga tao na “bumababa na ngayon ang moralidad ng madla, hindi na pareho ang kaisipan ng mga tao sa kanilang mga ninuno, nagbago na ang panahon, hindi na katulad ng dati ang mga kaibigan, hindi na pinahahalagahan ng mga tao ang kapatiran, nawalan na ng kabaitan ang mga tao, at palayo na nang palayo ang mga ugnayan sa pagitan ng mga tao.” Bagama’t kakaunting tao na lang ang nagpapahalaga sa kapatiran sa mga kaibigan ngayon, magiliw pa ring inaalala ng mga tao ang mga magigiting at mabubuting-loob na tao noong unang panahon na magbubuwis ng kanilang buhay para sa isang kaibigan, at iginagalang ng mga ito ang estilong kanilang ipinakikita. Halimbawa, tingnan ninyo ang ilan sa mga kwentong ipinasa-pasa sa kasaysayan tungkol sa mga tao noong unang panahon na nagbubuwis ng kanilang buhay para sa isang kaibigan, lalo na ang mga kwentong ang tagpuan ay sa mundo ng martial arts tungkol sa mga taong nagtataguyod sa kapatiran. Hanggang ngayon, kapag pinanonood ng mga tao ang mga kwentong ito sa mga pelikula at teleserye, nakararamdam pa rin sila ng bugso ng damdamin sa kanilang mga puso, at nagkikimkim ng pag-asang makabalik sa isang kapanahunang puno ng kabaitan ang tao, noong pinahahalagahan pa ng mga tao ang kapatiran. Ano ang ipinakikita ng mga bagay na ito? Ipinakikita ba ng mga ito na iginagalang ang ideyang ito ng pagharap sa panganib para sa isang kaibigan bilang isang positibong bagay sa isipan ng mga tao, at na itinuturing ito bilang isang mataas na moral na pamantayan para sa mga nagnanais na maging mabuting tao? (Oo.) Bagama’t hindi nangangahas ang mga taong hingin ang ganoong bagay sa kanilang mga sarili ngayon, at sila mismo ay hindi nila ito magawa, umaasa pa rin silang makatagpo ng ganoong mga tao sa kanilang komunidad, makisalamuha sa mga ito at makipagkaibigan sa mga ito, nang sa gayon ay kapag sila mismo ang naharap sa problema, ang kanilang kaibigan ay haharapin ang panganib para sa kanila. Sa pagtingin sa mga saloobin at pananaw ng mga tao ukol sa kasabihang ito tungkol sa wastong asal, malinaw na makikitang malalim na naiimpluwensiyahan ang mga tao ng ganoong mga ideya at pananaw na nagpapahalaga sa kapatiran. Dahil naiimpluwensiyahan ang mga tao ng ganoong mga ideya at pananaw na humihikayat sa kanilang hangarin at sundin ang diwa ng kapatiran, siyempre, malaki ang posibilidad na isasabuhay nila ang mga iyon. Ang resulta, malamang na makontrol at mapangibabawan ang mga tao ng ganoong mga ideya at pananaw, at malamang na tingnan nila ang mga tao at bagay at umasal at kumilos sila ayon sa ganoong mga ideya at pananaw, at kasabay niyon, malamang na gamitin nila ang ganoong mga ideya at pananaw upang husgahan ang mga tao, sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanilang sarili, “Pinahahalagahan ba ng taong ito ang kapatiran? Kung pinahahalagahan niya ang kapatiran, mabait siyang tao; samantalang kung hindi, hindi siya karapat-dapat na kaibiganin, at hindi siya mabuting tao.” Siyempre, malamang na naiimpluwensiyahan ka rin ng mga ideyang ito tungkol sa kapatiran pagdating sa pagkontrol sa sarili mong pag-uugali, at pagdating sa pagpigil at paghusga sa sarili mong pag-uugali, at ginagamit mo ang mga iyon bilang mga pamantayan at direksyon para sa pakikisalamuha mo sa iba. Halimbawa, sa ilalim ng matinding impluwensiya ng ganoong mga ideya at pananaw, kapag nakikisalamuha ka sa mga kapatid, ginagamit mo ang iyong konsensiya upang sukatin ang lahat ng bagay na ginagawa mo. Ano ba ang ibig sabihin ng salitang “konsensiya” na ito? Ang totoo, sa kaibuturan ng puso ng mga tao, wala itong ibang ibig sabihin kundi kapatiran. Minsan tumutulong ang isang tao sa mga kapatid dala ng kapatiran, minsan dala rin ng kapatiran ang pakikiramay sa kanila. Kung minsan, ang pagganap sa tungkulin ng isang tao at pag-aalay ng ilang maliliit na pagsisikap sa pamilya ng Diyos, o paggugol, o pagkakaroon ng kung anong panandaliang determinasyon, sa totoo ay nangyayaring lahat sa ilalim ng pamamahala ng ganoong mga ideyang nagpapahalaga sa kapatiran. Hindi ba’t malinaw at walang pag-aalinlangang ipinakikita ng mga pangyayaring ito na malalim na naiimpluwensiyahan ang mga tao ng ganoong mga ideya at pananaw, at naigapos at nahubog na sila ng mga iyon? Ano ba ang ibig sabihin Ko sa “naigapos” at “nahubog”? Masasabi bang bukod sa nakokontrol ng ganoong mga ideya at pananaw na nagpapahalaga sa kapatiran ang pag-uugali ng mga tao, naging pilosopiya na rin ang mga iyon sa pag-iral at buhay ng mga tao, at na pinanghahawakan ng mga tao ang mga iyon at itinuturing na mga positibong bagay? Bakit Ko ba sinasabing itinuturing nila ang mga iyon na mga positibong bagay? Ibig sabihin nito ay kapag pinakikinggan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, isinasagawa ang Kanyang mga salita at nagapasakop sa Kanya, ginagampanan ang kanilang tungkulin nang hindi pabasta-basta, mas nagbabayad ng halaga, at matapat sila sa Diyos, kadalasan, ang lahat ng pag-uugaling ito ay kontrolado ng ideya ng kapatiran, at kontaminado ng elementong ito ng kapatiran. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao: “Kailangan tayong maging maingat kung paano tayo umaasal, hindi maaaring iraos lang natin ang ating tungkulin! Napakalaking biyaya ang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Sa lubhang mapanganib na kapaligiran, sa lahat ng laganap na paniniil at pang-uusig ng malaking pulang dragon, pinoprotektahan at inililigtas tayo ng Diyos mula sa impluwensiya ni Satanas. Kailangan ay hindi tayo mawalan ng konsensiya, kailangan nating gampanan nang maayos ang ating tungkulin upang masuklian ang pag-ibig ng Diyos! Ang Diyos ang nagbigay sa atin ng ating mga buhay, kaya kailangan tayong maging matapat sa Kanya upang masuklian natin ang Kanyang pag-ibig. Hindi tayo maaaring maging walang utang na loob!” May ibang taong nahaharap sa tungkulin kung saan kinakailangang sumuong sa panganib at may kabayaran, at na nagsasabing: “Kung hindi magpiprisinta ang iba, magpiprisinta ako. Hindi ako natatakot sa panganib!” Tinatanong sila ng mga tao, “Bakit hindi ka natatakot sa panganib?” At sumasagot sila, “Wala ba kayong ni katiting na moral na integridad sa inyong asal? Tinatrato ako nang maayos ng pamilya ng Diyos, at mabuti ang Diyos sa akin. Dahil nagpasya akong sumunod sa Kanya, dapat kong gawin ang parte ko at sumuong sa mga panganib na ito. Kailangan kong magkaroon nitong diwa ng kapatiran at pahalagahan ito.” At kung ano-ano pa. Sa partikular na paraan ba ay pinangingibabawan ang mga pangyayari at paghahayag na ito ng ganoong mga ideya at pananaw na nagpapahalaga sa kapatiran? Dahil pinangingibabawan ng ganoong mga ideya at pananaw, ang mga paghatol at pagpapasya ng mga tao at ilan sa mga pag-uugaling kadalasang ipinakikita ng mga tao ay walang anumang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Panandaliang simbuyo lamang ang mga iyon, panandaliang kalagayan ng isipan o panandaliang pagnanais. Dahil hindi ito pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi nagmumula sa pansariling kalooban ng isang tao na gampanan ang kanyang tungkulin, at hindi ginagawa dala ng pagmamahal sa katotohanan at mga positibong bagay, madalas na hindi nagtatagal ang kapatirang ito sa pagitan ng mga tao, hindi ito nagtatagal nang higit sa ilang pagkakataon, ni masyadong magtatagal. Pagkalipas ng ilang panahon, nauubusan ng lakas ang mga tao na parang isang impis na bola. Sinasabi ng ilang tao, “Bakit ba punong-puno ako ng lakas noon? Bakit ba handang-handa akong tanggapin ang mapapanganib na trabahong ito para sa sambahayan ng Diyos? Bakit wala na ang lakas na iyon ngayon?” Noong panahong iyon, isa lamang itong panandaliang simbuyo, pagnanais o pasya para sa iyo, at tiyak na kontaminado ito ng isang elemento ng kapatiran. Patungkol dito, ano ba mismo ang ibig sabihin ng “kapatiran”? Sa madaling salita, isa itong panandaliang emosyon o takbo ng isipan, ibig sabihin, isang emosyong nadarama ng mga tao sa mga espesyal na kapaligiran at sitwasyon. Ang ganoong emosyon ay lubhang magaan, masigla, at positibo, na nagdudulot sa iyong magkaroon ng mga positibong paghatol at pagpapasya, o humihikayat sa iyong magkaroon ng ilang magarbong pahayag, at lumilikha ng kaunting kagustuhang magsumikap, ngunit ang ganitong uri ng kagustuhan ay hindi isang tunay na kalagayan ng pagmamahal sa katotohanan, pag-unawa sa katotohanan, o pagsasagawa ng katotohanan. Isa lamang itong emosyong nabuo sa ilalim ng kontrol ng ganoong mga ideya at pananaw na nagpapahalaga sa kapatiran. Ganito ito sa simpleng salita. Sa mas malalim na antas, mula sa Aking perspektibo, ang kapatiran, sa totoo, ay isang pagpapakita ng pagiging padalos-dalos. Ano ba ang ibig sabihin Ko sa “isang pagpapakita ng pagiging padalos-dalos”? Halimbawa, kapag panandaliang masaya ang mga tao, makatatagal sila nang buong maghapon at magdamag nang hindi kumakain o natutulog, at sa kabila nito, hindi sila nagugutom o napapagod. Normal ba ito? Sa normal na sitwasyon, magugutom ang mga tao kung hindi sila kakain nang isang beses, at mananamlay at manghihina kung hindi sila matutulog nang maayos sa buong magdamag. Ngunit kung, biglang magaan ang damdamin nila, at hindi sila nagugutom, inaantok, o napapagod, hindi ba’t hindi ito normal? (Oo, ganoon nga.) Isa ba itong likas na paghahayag ng disposisyon sa buhay? (Hindi.) Kung hindi ito isang normal na paghahayag, ano ito, kung ganoon? Pagiging padalos-dalos ito. Ano pa ba ang ibang kahulugan ng pagiging padalos-dalos? Nangangahulugan itong dahil sa hindi normal na mga emosyong tulad ng panandaliang kaligayahan o galit, nagpapakita ang mga tao ng ilang matitinding pag-uugali habang nasa di-makatwirang kalagayan. Ano ang matitinding pag-uugaling ito? Minsan kapag masaya sila, ipinamimigay nila sa iba ang pinakamahahalagang gamit sa kanilang tahanan, o kung minsan sa bugso ng galit ay pumapatay sila ng tao gamit ang patalim. Hindi ba’t pagiging padalos-dalos ito? Ang mga ito ay mga pag-uugaling halos labis na, na nangyayari kapag nasa di-makatwirang kalagayan ang mga tao: Pagiging padalos-dalos ito. May ilang taong masayang-masaya kapag nagsisimula pa lang silang gumanap sa kanilang tungkulin. Hindi sila nagugutom kapag oras na ng pagkain, at hindi inaantok kapag oras na ng pahinga. Sa halip ay sumisigaw sila ng, “Gumugol para sa Diyos, magbayad ng halaga para sa Diyos, at tiisin ang anumang paghihirap!” Sa tuwing malungkot sila ay wala silang gustong gawin, kinaiinisan nila ang lahat ng taong nakikita nila, at pinag-iisipan pa nga nilang huwag nang sumampalataya. Pagiging padalos-dalos ang lahat ng ito. Paano nabuo ang pagiging padalos-dalos na ito? Nagmula ba ito sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Sa pinakaugat nito, ito ay idinulot ng hindi pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan at hindi pagsasagawa ng katotohanan. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, naiimpluwensiyahan sila ng iba’t ibang baluktot na kaisipan. Sa ilalim ng impluwensiya ng iba’t ibang baluktot at negatibong kaisipan, nagkakaroon sila ng iba’t ibang di-makatwiran at hindi normal na emosyon. Habang ganito ang mga emosyon nila, nagkakaroon sila ng lahat ng uri ng padalos-dalos na paghatol at pag-uugali. Ganito ang nangyayari, hindi ba? Ano ang diwa ng ideolohikal na perspektibang ito na, “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan”? (Pagiging padalos-dalos ito.) Tama iyon, pagiging padalos-dalos ito. Kaya may katwiran ba ang kasabihang “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan”? Umaayon ba ito sa mga prinsipyo? Isa ba itong positibong bagay na dapat sundin ng mga tao? Malinaw namang hindi. Ang usaping ito ng pagharap sa panganib para sa isang kaibigan ay di-makatwiran, pabigla-bigla at padalos-dalos ito. Kailangang tratuhin nang makatwiran ang bagay na ito. Ayos lang ba kung hindi mo labis na pinahahalagahan ang kapatiran sa puntong haharapin mo ang panganib para sa isang kaibigan? Ayos lang bang tulungan ang iyong mga kaibigan sa abot lamang ng iyong kakayahan? Paano ba gagawin nang tama ang mga bagay-bagay? Bakit maling-mali ang mga ideya at pananaw na tulad ng “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” na mukhang partikular na nagpapahalaga sa kapatiran? Ano ang mali sa mga iyon? Kailangang malinaw ang bagay na ito. Sa sandaling malinaw ang bagay na ito, ganap nang bibitiwan ng mga tao ang ganoong mga ideya at pananaw. Sa katunayan ay napakasimple ng bagay na ito. Maipaliliwanag ba ninyo ito nang malinaw? Wala kayong pananaw sa bagay na ito, walang masasabi. Kinukumpirma nito ang isang bagay, na bago Ko himayin ang kasabihang “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” lahat kayo ay mga taong sumunod o labis na sumamba sa kasabihang ito, at kinainggitan ninyong lahat ang mga taong haharap sa panganib para sa isang kaibigan, at naiinggit din kayo sa mga pwedeng makipagkaibigan sa isang taong tulad niyon, at pakiramdam ninyo, isang kagalakan at karangalan ang pagkakaroon ng ganoong mga kaibigan. Hindi ba’t totoo ito? Paano ninyo tinitingnan ang bagay na ito? (Sa palagay ko, ang pakikitungo sa mga tao ayon sa kasabihang “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan” ay hindi maprinsipyo at hindi naaayon sa katotohanan.) Ano ang palagay ninyo sa sagot na ito? Matatanggal ba nito ang mga gapos at tanikalang inilalagay sa iyo ng ganoong mga ideya at pananaw? Mababago ba nito ang mga pamamaraan at prinsipyo kung paano ka humaharap sa ganoong mga bagay? Maitatama ba nito ang mga nakalilinlang na pananaw mo tungkol sa ganoong mga bagay? Kung hindi, ano ang sagot na ito? (Doktrina.) Ano ang silbi ng pagbigkas ng doktrina? Huwag kang magsalita tungkol sa doktrina. Paano ba nabubuo ang doktrina? Ito ay dahil hindi mo nakikita nang malinaw ang diwa ng ganoong mga ideya at pananaw, at hindi mo lubusang nauunawaan ang negatibong epekto at pinsala ng ganoong mga ideya at pananaw ukol sa kung paano mo tinitingnan ang mga tao at bagay, at kung paano ka umaasal at kumikilos. Hindi mo alam kung ano ang mali sa mga iyon, kaya ang tanging magagawa mo ay tugunan at lutasin ang problemang ito gamit ang mabababaw na doktrina. Ang panghuling resulta ay na hindi malulutas ng mga doktrina ang iyong problema, at nabubuhay ka pa rin sa ilalim ng pamamahala at impluwensiya ng ganoong mga ideya at pananaw.
Ano ba ang mali sa mga ideya at pananaw na tulad ng “pagharap sa panganib para sa isang kaibigan”? Sa totoo ay simple lang at hindi mahirap ang tanong na ito. Walang sinumang nabubuhay sa mundo ang sumusulpot lang na parang kabute. Ang lahat ay may mga magulang at anak, ang lahat ay may mga kamag-anak, walang sinumang sumulpot nang mag-isa rito sa mundo ng mga tao. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ang ibig Kong sabihin ay namumuhay ka rito sa mundo ng mga tao, at may mga sarili kang obligasyong dapat tuparin. Una, kailangan mong suportahan ang iyong mga magulang, at pangalawa, kailangan mong palakihin ang iyong mga anak. Ang mga ito ang mga responsabilidad mo sa loob ng pamilya. Sa lipunan, may mga responsabilidad at obligasyong panlipunan ka ring dapat tuparin. May papel kang dapat gampanan sa lipunan, tulad ng pagiging isang manggagawa, magsasaka, negosyante, mag-aaral o intelektuwal. Mula sa pamilya hanggang sa lipunan, marami kang responsabilidad at obligasyong dapat tuparin. Ibig sabihin, bukod pa sa iyong pagkain, damit, tirahan at transportasyon, marami kang bagay na kailangang gawin, at marami ka ring bagay na dapat gawin at marami kang obligasyong dapat tuparin. Bukod pa sa tamang landas na ito ng pananampalataya sa Diyos na tinatahak ng mga tao, bilang isang indibidwal ay marami kang responsabilidad sa pamilya at obligasyon sa lipunan na dapat tuparin. Hindi ka nabubuhay nang mag-isa. Ang pasan-pasan mong responsabilidad ay hindi lang ang makipagkaibigan at magpakasaya, o humanap ng isang taong makakausap mo at makatutulong sa iyo. Karamihan sa iyong mga responsabilidad—at ang pinakamahahalaga sa mga iyon—ay may kinalaman sa iyong pamilya at lipunan. Kapag natutupad mo nang mabuti ang iyong mga responsabilidad sa pamilya at mga obligasyon sa lipunan, saka lamang maituturing na kumpleto at perpekto ang buhay mo bilang isang tao. Kaya, ano ba ang kalakip ng mga responsabilidad na dapat mong tuparin sa pamilya? Bilang isang anak, dapat kang maging mapagmahal sa iyong mga magulang at nakasuporta sa kanila. Sa tuwing nagkakasakit o nasa kagipitan ang iyong mga magulang, dapat mong gawin ang lahat ng makakaya mo. Bilang isang magulang, kailangan mong magpagal at ibuhos ang lakas mo, magsumikap at tiisin ang hirap upang matustusan ang buong pamilya, at pasanin ang mabigat na responsabilidad ng pagiging isang magulang, pagpapalaki sa iyong mga anak, pagtuturo sa kanilang sundin ang tamang landas, at pagpapaunawa sa kanila ng mga prinsipyo ng pag-asal. Samakatuwid, marami kang responsabilidad sa iyong pamilya. Kailangan mong suportahan ang iyong mga magulang at pasanin ang responsabilidad ng pagpapalaki sa iyong mga anak. Maraming bagay ang dapat gawin. At ano-ano ang mga responsabilidad mo sa lipunan? Kailangan mong sundin ang mga batas at patakaran, kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo sa pakikitungo sa iba, kailangan mong gawin ang lahat ng makakaya mo sa trabaho, at pamahalaan nang mabuti ang iyong karera. Walumpu o siyamnapung porsiyento ng oras at lakas mo ang kailangang igugol sa mga bagay na ito. Ibig sabihin, anumang papel ang ginagampanan mo sa iyong pamilya o sa lipunan, anumang landas ang iyong tinatahak, anuman ang mga ambisyon at mithiin mo, ang bawat tao ay may mga responsabilidad na dapat pasanin na personal na napakahalaga sa kanya, at na kumakain sa halos buong oras at lakas niya. Mula sa perspektiba ng mga responsabilidad sa pamilya at lipunan, ano ang halaga mo at ng buhay mo bilang tao sa iyong pagdating sa mundong ito ng mga tao? Ito ay upang tuparin ang mga responsabilidad at misyong ibinigay sa iyo ng Langit. Hindi lamang ikaw ang nagmamay-ari ng buhay mo, at siyempre, hindi ito pagmamay-ari ng iba. Umiiral ang buhay mo para sa iyong mga misyon at responsabilidad, at para sa mga responsabilidad, obligasyon at misyong dapat mong tuparin dito sa mundo ng mga tao. Ang buhay mo ay hindi pagmamay-ari ng iyong mga magulang, ni ng iyong asawa, at siyempre, hindi ito pagmamay-ari ng iyong mga anak. Lalong hindi ito pagmamay-ari ng iyong mga kaapo-apuhan. Kaya sino ang nagmamay-ari ng buhay mo? Kapag nagsalita mula sa perspektiba ng isang taong mula sa mundo, ang iyong buhay ay pagmamay-ari ng mga responsabilidad at misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Ngunit mula sa perspektiba ng isang mananampalataya, ang Diyos ang dapat na nagmamay-ari ng buhay mo, dahil Siya ang nagsasaayos at ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay na tungkol sa iyo. Samakatuwid, bilang isang taong namumuhay sa mundo, hindi mo dapat basta-bastang ipangako ang buhay mo sa iba, at hindi mo dapat basta-bastang ibuwis ang buhay mo para kaninuman alang-alang sa kapatiran. Ibig sabihin, hindi mo dapat maliitin ang sarili mong buhay. Walang halaga ang buhay mo sa ibang tao, lalo na kay Satanas, sa lipunang ito, at sa tiwaling sangkatauhang ito, ngunit sa iyong mga magulang at kamag-anak, napakahalaga ng buhay mo, dahil may di-mapaghihiwalay na ugnayan sa pagitan ng iyong mga responsabilidad at ng kanilang pag-iral. Siyempre, ang lalong mahalaga ay may di-mapaghihiwalay na ugnayan sa pagitan ng iyong buhay at ng katunayang may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay at sa buong sangkatauhan. Hindi matutumbasan ang buhay mo ng marami pang buhay na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Marahil ay hindi ganoon kataas ang pagpapahalaga mo sa iyong buhay, at marahil, hindi mo dapat pahalagahan nang ganoon kataas ang iyong buhay, ngunit ang totoo, napakahalaga ng buhay mo sa iyong mga magulang at kamag-anak, kung kanino ka may malalapit na kaugnayan at di-mapaghihiwalay na relasyon. Bakit Ko sinasabi iyon? Dahil may mga responsabilidad ka sa kanila, may mga responsabilidad din sila sa iyo, may mga responsabilidad ka sa lipunang ito, at may kaugnayan ang mga responsabilidad mo sa lipunan sa papel mo sa lipunang ito. Ang papel ng bawat tao at bawat buhay na nilalang ay mahalaga para sa Diyos, at pawang mahahalagang elemento ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa sangkatauhan, sa mundong ito, sa daigdig na ito, at sa sansinukob na ito. Sa mga mata ng Diyos, ang bawat buhay ay mas hamak pa sa isang butil ng buhangin, at mas kasuklam-suklam pa sa isang langgam; gayunpaman, dahil ang bawat tao ay isang buhay, isang umiiral na buhay at may hininga, samakatuwid, sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kahit pa hindi mahalaga ang papel na ginagampanan ng taong iyon, kailangang-kailangan din siya. Kaya, kung titingnan mula sa mga aspektong ito, kung ang isang tao ay agad na haharap sa panganib para sa isang kaibigan at bukod sa pinag-iisipang gawin iyon, handa rin siyang gawin iyon sa anumang sandali, ibinubuwis ang sarili niyang buhay nang hindi isinasaalang-alang ang kanyang mga responsabilidad sa pamilya, mga responsabilidad sa lipunan, at maging ang mga pasan niyang misyon at tungkuling ibinigay ng Diyos, hindi ba’t mali iyon? (Oo.) Kataksilan ito! Ang pinakamahalagang bagay na ipinagkakaloob ng Diyos sa tao ay ang hiningang ito na tinatawag na buhay. Kung basta-basta mong ipapangako ang iyong buhay sa isang kaibigang sa palagay mo ay mapagkakatiwalaan mo nito, hindi ba’t kataksilan ito sa Diyos? Hindi ba’t kawalan ito ng galang sa buhay? Hindi ba’t isa itong paghihimagsik laban sa Diyos? (Oo.) Malinaw na pagsuko ito sa mga responsabilidad na dapat mong tuparin sa iyong pamilya at sa lipunan, at pagtakas sa mga misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Kataksilan ito. Ang pinakamahahalagang bagay sa buhay ng isang tao ay walang iba kundi ang mga responsabilidad na dapat pasanin ng isang tao sa buhay na ito—mga responsabilidad sa pamilya, mga responsabilidad sa lipunan, at ang mga misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Ang mga responsabilidad at misyong ito ay ang pinakamahahalagang bagay. Kung babawian ka ng buhay sa pamamagitan ng basta-bastang pagsuko nito para sa ibang tao dahil sa panandaliang pagpapahalaga sa kapatiran at isang sandali ng pagiging padalos-dalos, umiiral pa rin ba ang mga responsabilidad mo? Kung gayon, paano ka nakapagsasalita tungkol sa mga misyon? Malinaw na hindi mo pinahahalagahan ang buhay na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos bilang pinakamahalagang bagay, kundi sa halip ay basta-basta mo itong ipinapangako sa iba, ibinubuwis ang iyong buhay para sa iba, ganap na binabalewala o tinatalikuran ang mga responsabilidad mo sa iyong pamilya at lipunan, na imoral at hindi patas. Kung gayon, ano ba ang gusto Kong sabihin sa inyo? Huwag ninyong basta-bastang ibuwis ang inyong buhay o ipangako ito sa iba. Sinasabi ng ilang tao, “Pwede ko ba itong ipangako sa mga magulang ko? Paano naman kung ipapangako ko ito sa kasintahan ko, ayos lang ba iyon?” Hindi ayos iyon. Bakit hindi ito ayos? Pinagkakalooban ka ng Diyos ng buhay at hinahayaan Niyang magpatuloy ang buhay mo upang matupad mo ang iyong mga responsabilidad sa iyong pamilya at lipunan at matupad mo ang mga misyong ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Hindi ito para gawin mong biro ang sarili mong buhay sa pamamagitan ng basta-bastang pagpapangako nito sa iba, pagbibigay nito sa iba, paggugol nito sa iba, at pag-aalay nito sa iba. Kung babawian ng buhay ang isang tao, matutupad pa rin ba niya ang mga responsabilidad niya sa pamilya at lipunan at ang mga misyon niya? Magagawa pa rin ba ito? (Hindi.) At kapag wala na ang mga responsabilidad ng isang tao sa pamilya at lipunan, umiiral pa rin ba ang mga papel na ginampanan niya sa lipunan? (Hindi.) Kapag wala na ang mga papel na ginampanan ng isang tao sa lipunan, umiiral pa rin ba ang mga misyon ng taong iyon? Hindi na. Kapag wala na ang mga misyon at papel ng isang tao sa lipunan, kung gayon ay umiiral pa rin ba ang pinamamahalaan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Ang pinamamahalaan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga buhay na nilalang, mga taong may buhay, at kapag wala na ang kanilang mga responsabilidad sa lipunan at buhay, at nauuwing lahat sa wala ang mga papel nila sa lipunan, pagtatangka ba itong mauwi sa wala ang sangkatauhan, na pinamamahalaan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang plano ng pamamahala ng Diyos? Kung gagawin mo ito, hindi ba’t kataksilan ito? (Oo.) Kataksilan nga ito. Umiiral ang iyong buhay para lamang sa mga responsabilidad at misyon mo, at ang halaga ng buhay mo ay masasalamin lamang sa mga responsabilidad at misyon mo. Isa pa, hindi mo responsabilidad at misyon ang pagharap sa panganib para sa isang kaibigan. Bilang isang taong pinagkalooban ng Diyos ng buhay, ang pagtupad sa mga responsabilidad at misyong ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ang dapat mong gawin. Samantala, ang pagharap sa panganib para sa isang kaibigan ay hindi isang responsabilidad o misyon na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Sa halip, pagkilos mo ito ayon sa pagpapahalaga sa kapatiran, sa sarili mong pagpapantasya, sa iresponsable mong kaisipan tungkol sa buhay, at siyempre, isa rin itong uri ng pag-iisip na itinatanim ni Satanas sa mga tao upang hamakin at yurakan ang kanilang mga buhay. Kaya, kahit na dumating pa ang panahon, kahit na gaano pa kayo kalapit ng kaibigan mo, kahit pa tumagal ang pagkakaibigan ninyo pagkatapos ng mga buwis-buhay na sitwasyon, huwag mong basta-bastang ipapangakong haharap ka sa panganib para sa kanya, at ni huwag mong pag-isipang gawin ang ganoong mga ideya na parang wala lang, huwag mong pag-isipang ialay ang buong buhay mo, ang pag-iral mo, sa kanya. Wala kang anumang responsabilidad o obligasyon sa kanya. Kung pareho ang mga interes ninyo, pareho ang personalidad, at pareho ang landas na tinatahak ninyo, pwede kayong magtulungan, pwede ninyong pag-usapan ang anumang gusto ninyo, at pwede kayong maging malapit na magkaibigan, ngunit ang malapit na pagkakaibigang ito ay hindi nakatatag sa pundasyon ng pagharap sa panganib para sa isa’t isa, ni nakabatay sa pagpapahalaga sa kapatiran. Hindi mo kailangang humarap sa panganib para sa kanya, at hindi mo kailangang magbuwis ng buhay o magdanak man ng isang patak ng dugo para sa kanya. Sinasabi ng ilang tao: “Kung gayon, ano pa ang silbi ng pagpapahalaga ko sa kapatiran? Sa aking pagkatao at sa aking puso, nais ko laging magpakita ng pagkakapatiran, kaya ano ang dapat kong gawin?” Kung nais mo talagang magpakita ng pagkakapatiran, dapat mong sabihin sa taong iyon ang mga katotohanang naunawaan mo. Kapag nakikita mong nanghihina ang taong iyon, suportahan mo siya. Huwag kang tumayo sa tabi at manood; kapag napupunta siya sa maling landas, paalalahanan mo siya, payuhan mo siya, at tulungan mo siya. Kapag nakikita mo ang mga problema ng taong iyon, may pananagutan kang tulungan siya, ngunit hindi mo kailangang humarap sa panganib para sa kanya, hindi mo kailangang ipangako ang buhay mo sa kanya. Ang responsabilidad mo lamang sa kanya ay ang tumulong, sumuporta, magpaalala, magpayo, o kung minsan ay magkaroon ng kaunting pagpapatawad at pagpaparaya, ngunit hindi ang magbuwis ng iyong buhay para sa kanya, lalong hindi ang pakitaan siya ng diumano’y pagpapahalaga sa kapatiran. Sa Akin, ang kapatiran ay pagiging padalos-dalos lamang, at hindi ito kabilang sa katotohanan. Kung ihahambing sa buhay na ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao, ang kapatiran sa pagitan ng mga tao ay basura. Isa itong uri ng pagiging padalos-dalos na itinanim ni Satanas sa mga tao, isang tusong pakana na humihikayat sa mga taong padalos-dalos na gumawa ng maraming bagay alang-alang sa kapatiran, mga bagay na mahihirapan silang kalimutan at na pagsisisihan nila habambuhay. Hindi ito maipapayo. Samakatuwid, mabuti pang bitiwan mo na ang ideyang ito ng kapatiran. Huwag kang mabuhay alinsunod sa kapatiran, ngunit sa halip ay mabuhay ka alinsunod sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Kahit papaano, dapat kang mabuhay ayon sa iyong pagkatao, konsensiya, at katwiran, harapin mo nang makatwiran ang lahat ng tao at bagay, at gawin mo nang maayos ang lahat ng bagay ayon sa iyong konsensiya at katwiran.
Matapos pagbahaginan ang napakaraming kasabihan at opinyon tungkol sa responsabilidad at buhay, may pagkilatis na ba kayo ngayon sa moral na kinakailangang ito tungkol sa pagharap sa panganib para sa isang kaibigan? Ngayong may pagkilatis na kayo, taglay na ba ninyo ang mga tamang prinsipyo sa pagharap sa ganoong bagay? (Oo.) Ano ang gagawin mo kung talagang hihilingin sa iyo ng isang taong harapin mo ang panganib para sa kanya? Paano mo siya sasagutin? Sasabihin mo, “Kung hihilingin mong humarap ako sa panganib para sa iyo, ikaw ang may gustong kumitil sa buhay ko. Kung gusto mong kitilin ang buhay ko, kung hihilingin mo ang ganoong bagay sa akin, pinagkakaitan mo ako ng karapatang tuparin ang mga responsabilidad ko sa pamilya at ng karapatang tuparin ang mga responsabilidad ko sa lipunan. Pagkakait din ito sa akin ng aking mga karapatang pantao, at higit sa lahat, pagkakait sa akin ng pagkakataong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at gampanan nang mabuti ang aking tungkulin. Ang pagkakait mo sa akin nang ganito sa aking mga karapatang pantao ang magiging kawakasan ko! Pinagkakaitan mo ako ng napakaraming karapatan at pinipilit mo akong mamatay para sa iyo. Gaano ka ba kamakasarili at kasuklam-suklam? Gayunpaman ay kaibigan pa rin kita? Malinaw na hindi kita kaibigan, kundi kaaway ko.” Tama bang sabihin iyon? (Oo.) Iyon nga ang tamang sabihin. Maglalakas-loob ka bang sabihin iyon? Talaga bang nauunawaan mo ito? Kung patuloy na hihilingin sa iyo ng sinumang kaibigan mo na harapin mo ang panganib para sa kanya at hihilingin ang buhay mo, dapat kang umiwas sa kanya sa sandaling magkaroon ka ng pagkakataon, dahil hindi siya isang mabuting tao. Huwag mong isiping dapat mo siyang maging kaibigan dahil lamang kaya niyang humarap sa panganib para sa iyo. Sabihin mo: “Hindi ko hiniling sa iyong humarap sa panganib para sa akin, ikaw ang nagprisintang gawin iyon. Kahit pa magawa mong humarap sa panganib para sa akin, huwag na huwag mong iisiping hilingin sa aking humarap sa panganib para sa iyo. Hindi ka makatwiran, ngunit nauunawaan ko ang katotohanan, nasa katwiran ako, at haharapin ko nang makatwiran ang bagay na ito. Kahit na gaano karaming beses ka nang humarap sa panganib para sa akin, hindi ako padalos-dalos na haharap sa panganib para sa iyo. Kung nasa kagipitan ka, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para tulungan ka, ngunit hindi ko talaga tatalikuran ang mga responsabilidad at misyong ipinagkatiwala sa akin ng Diyos sa buhay na ito upang mabuhay para lamang sa kapakanan mo. Sa aking mundo, walang ibang naroon kundi mga responsabilidad, obligasyon, at misyon. Kung gusto mong makipagkaibigan sa akin, hinihiling ko sa iyong tulungan mo ako, alalayan mo akong tuparin ang mga responsabilidad ko at magkasama nating tapusin ang mga misyon ko. Saka lamang kita magiging tunay na kaibigan. Kung patuloy mong hihilingin sa aking humarap sa panganib para sa iyo, at patuloy mo akong pipiliting mangako nang ganito, na ibuwis ang buhay ko para sa iyo, na ipangako ang buhay ko sa iyo, dapat ay layuan mo na ako agad, hindi kita kaibigan, ayaw kong makipagkaibigan sa taong katulad mo, at ayaw kong maging kaibigan ng isang taong tulad mo.” Ano ang palagay mo sa pagsasabi ng ganoon? (Mabuti.) Paano iyon naging mabuti? Sa hindi pagkakaroon ng kaibigang tulad nito, naiibsan ang pasanin mo, nakalalaya ka sa alalahanin, wala kang anumang dalahin sa isipan, at hindi ka naigagapos ng mga ideyang tulad ng pagpapahalaga sa kapatiran. Kung may taong talagang magsasabing, “Ang mga taong tulad mo na ayaw humarap sa panganib para sa isang kaibigan ay hindi karapat-dapat na makasalamuha, at hindi maaaring maging kaibigan ng sinuman,” malulungkot ka ba kapag narinig mo ito? Maaapektuhan ka ba ng mga salitang ito? Makararamdam ka ba ng kalungkutan at pagiging negatibo, na pinabayaan ka ng mga tao, na walang saysay ang pag-iral, at walang pag-asa sa buhay? Posible ito, ngunit kapag naunawaan mo ang katotohanan, magkakaroon ka ng lubos na pagkaunawa sa bagay na ito, at hindi ka mapipigilan ng mga salitang ito. Mula sa araw na ito, kailangan mong matutuhang bitiwan ang mga bagay na ito ng tradisyonal na kultura, nang hindi kinakailangang dalhin ang mga pasaning ito. Sa ganitong paraan mo lang matatahak ang tamang landas sa buhay. Isasagawa mo ba ito? (Oo.) Siyempre, hindi ito isang bagay na agad mong mabibitiwan. Kailangan munang ihanda ng mga tao ang kanilang mga isipan, paunti-unting magnilay, hanapin ang katotohanan nang paunti-unti, makaunawa nang paunti-unti, at pagkatapos ay isagawa ito nang paunti-unti, alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang paggamit sa mga katotohanang prinsipyo upang harapin at pangasiwaan ang mga ugnayan sa mga tao at pakikisalamuha sa mga tao. Bilang buod, nais Ko kayong iwanan ng ilang huling salita: Pahalagahan mo ang buhay at ang iyong mga responsabilidad; pahalagahan mo ang pagkakataong ibinigay sa iyo ng Diyos para gampanan ang tungkulin mo, at pahalagahan mo ang mga misyong ibinigay ng Diyos sa iyo. Nauunawaan mo naman, hindi ba? (Oo.) Hindi ba’t nakagagalak na nagkaroon ka na ng lubos na pagkaunawa sa bagay na ito? (Oo.) Kung hindi ka nalilimitahan at naigagapos ng mga nakalilinlang na ideya at pananaw na ito, mapapalagay ka. Ngunit hindi ka naman talaga palagay ngayon. Sa sandaling tahakin mo na ang landas ng paghahangad sa katotohanan sa hinaharap, at hindi ka na nababagabag ng mga bagay na ito, saka ka lamang tunay na mapapalagay. Tanging ang mga tunay na tumitingin sa mga tao at bagay, umaasal at kumikilos nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan, ang siyang tunay na maluwag ang loob at palagay, ang siyang may kapayapaan at kagalakan, ang siyang nabubuhay at umaasal ayon sa katotohanan, at hindi kailanman magsisisi. Tapusin na natin dito ang pagbabahaginan sa araw na ito.
Mayo 7, 2022