Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 11

Sa bawat panahon at sa bawat yugto, may ilang partikular na bagay na nangyayari sa iglesia na salungat sa mga kuru-kuro ng mga tao. Halimbawa, ang ilang tao ay nagkakasakit, ang mga lider at manggagawa ay napapalitan, ang ilang tao ay nalalantad at natitiwalag, ang ilan ay nahaharap sa pagsubok ng buhay at kamatayan, ang ilang iglesia ay mayroon pa ngang masasamang tao at mga anticristo na nanggugulo, at iba pa. Nangyayari paminsan-minsan ang mga bagay na ito, pero hindi aksidenteng nangyari ang mga ito. Ang lahat ng ito ay resulta ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang isang napakapayapang panahon ay maaaring biglang magambala ng ilang insidente o hindi pangkaraniwang pangyayari, na nangyayari sa paligid ninyo, o kaya ay sa sarili ninyo, at ang paglitaw ng mga bagay na ito ay sumisira sa normal na kaayusan at normalidad ng buhay ng mga tao. Sa panlabas, hindi umaayon ang mga bagay na ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, ito ay mga bagay na ayaw ng mga tao na mangyari sa kanila o na masaksihan nila. Kaya, ang paglitaw ba ng mga bagay na ito ay kapaki-pakinabang sa mga tao? Paano dapat harapin, danasin, at unawain ng mga tao ang mga ito? Naisip na ba ng sinuman sa inyo ang bagay na ito? (Dapat naming maunawaan na ito ang resulta ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.) Isa lang ba itong usapin ng pagkaunawa na ito ang resulta ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? May natutunan ba kayong anumang aral mula rito? Lalo ba ninyong naiintindihan kung paanong ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay na ito? Ano ang partikular na nakapaloob sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Anong mga partikular na bagay na naipapamalas ng mga tao ang dapat nilang malaman at maunawaan? Natuto ba kayo ng anumang aral mula sa mga nangyari sa paligid ninyo? Kaya ba ninyong tanggapin ang mga ito bilang mula sa Diyos, at pagkatapos ay magkamit mula rito? O nalilito ba kayo, iniisip na, “Lahat ng ito ay bunga ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, magpasakop na lamang sa Diyos, walang kailangang pag-isipan dito,” pinalalampas ito habang iniisip ninyo ang gayong mga simpleng kaisipan? Alin sa mga sitwasyong iyon ang tumutugma sa inyo? Kung minsan, may malalaking nangyayari sa iglesia, halimbawa, sa pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo, natatamo ang hindi inaasahang magagandang resulta, o may ilang hindi inaasahang suliranin, paghihirap, mga hadlang, o maging pagkagambala at pagkasira mula sa mga panlabas na sanhi. Minsan ay may nangyayaring kakaiba sa isang partikular na iglesia o sa ilang taong gumaganap ng kanilang mga tungkulin. Sa mga ordinaryong pagkakataon man o sa mga hindi pangkaraniwang pagkakataon, ni minsan ba ay napag-isipan ninyo ang mga di-pangkaraniwang bagay na ito na nangyayari? Ano ang naging konklusyon ninyo sa huli? O kadalasan ba ay wala talaga kayong pagkaunawa? Ang ilang tao ay iniisip lamang ito sa loob-loob nila, at pagkatapos ay bumibigkas lamang sila ng isang maikling panalangin, nang hindi man lang hinahanap ang katotohanan para magkaroon sila ng kaunting pagkaunawa sa mga bagay na ito. Inaamin lang nila na ang mga ito ay mula sa Diyos, at iyon na iyon. Hindi ba’t paggawa lang ito nang pabasta-basta? Karamihan sa mga tao ay iniraraos lang ito. At kapag nahaharap sa mga bagay na ito ang mga taong may napakahinang kakayahan, labis silang hindi nakakaunawa at nalilito sila, at madali silang magkaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos, at ng mga pagdududa tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos. Ang mga tao ay walang pagkaunawa sa Diyos sa simula pa lang, at kapag nakatatagpo sila ng ilang bagay na salungat sa kanilang mga kuru-kuro, hindi nila hinahanap ang katotohanan at hindi sila naghahanap ng mga taong makakabahaginan, bagkus ay tinatrato lamang nila ang mga ito batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, bago tuluyang bumuo ng konklusyon na “kung ang mga bagay na ito ay mula sa Diyos o hindi ay hindi pa rin sigurado,” at nagsisimula silang magkaroon ng mga pag-aalinlangan tungkol sa Diyos, at pinagdududahan pa nga nila ang Kanyang mga salita. Dahil dito, ang kanilang mga pagdududa, mga haka-haka, at pag-iingat sa Diyos ay mas lumalala, at nawawalan sila ng motibasyon na gampanan ang kanilang mga tungkulin. Hindi sila handang magdusa at magsakripisyo, at nagpapakatamad sila, iniraraos lang ang bawat araw na lumilipas. Pagkatapos maranasan ang ilang partikular na pangyayari, ang kakaunting sigasig, kapasyahan, at pagnanais na mayroon sila noon ay nawala at naglaho na, at ang natitira na lamang ay ang mga kaisipan kung paano gawin ang sarili nilang mga plano para sa kinabukasan at maghanap ng kanilang malalabasan. Ang gayong mga tao ay hindi kakaunti. Dahil hindi mahal ng mga tao ang katotohanan at hindi nila ito hinahanap, sa tuwing may nangyayari sa kanila, tinitingnan nila ito gamit ang sarili nilang mga mata, nang hindi kailanman natututong tanggapin na mula ito sa Diyos. Hindi nila hinahanap ang katotohanan sa mga salita ng Diyos upang mahanap ang mga kasagutan, at hindi sila naghahanap ng mga taong nakauunawa sa katotohanan para makabahaginan nila at para malutas ang mga bagay na ito. Sa halip, palagi nilang ginagamit ang kanilang sariling kaalaman at karanasan sa pakikitungo sa mundo upang suriin at husgahan ang mga nangyayari sa kanila. At ano ang resulta sa huli? Kinukulong nila ang kanilang sarili sa isang mahirap na kalagayan na walang mapupuntahan—ito ang kahihinatnan ng hindi paghahanap sa katotohanan. Walang nangyayari nang nagkataon lamang, ang lahat ay pinamumunuan ng Diyos. Bagamat kaya itong unawain at tanggapin ng mga tao sa teorya, paano dapat tratuhin ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Ito ang katotohanan na dapat hangarin at unawain ng mga tao, at dapat na partikular nilang isagawa ito. Kung kinikilala lamang ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa teorya, ngunit wala silang tunay na pagkaunawa rito, at hindi pa nalutas ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, gaano karaming taon man silang manampalataya sa Diyos at gaano man karami ang kanilang maging karanasan, hindi pa rin nila makakamit ang katotohanan sa huli. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, hindi nila malalaman ang gawain ng Diyos. Habang dumarami ang kanilang nararanasan, mas dumarami ang kuro-kuro nila sa Diyos, mas lalo nila Siyang kukuwestiyunin at, siyempre, magiging mas malubha ang kanilang mga haka-haka, maling pagkaunawa, at pagiging maingat sa Diyos. Ang totoo, ang lahat ng nangyayari ay bunga ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Ang layon at kabuluhan ng paggawa ng Diyos sa lahat ng ito ay hindi para dagdagan ang iyong maling pagkaunawa at pagdududa tungkol sa Kanya, kundi upang linawin at lutasin ang iyong mga panloob na kuru-kuro at imahinasyon pati na rin ang iyong mga pagdududa, maling pagkaunawa, at pag-iingat sa Diyos, pati na ang iba pang gayong negatibong bagay. Kung hindi mo lulutasin sa oras ang mga problema kapag nangyayari ang mga ito, sa sandaling maipon ang mga problemang ito sa loob mo at lumala, at hindi na sapat ang iyong sigasig o kapasyahan para suportahan ka sa pagganap ng iyong mga tungkulin, masasadlak ka sa pagkanegatibo, maging hanggang sa puntong malamang ay iiwanan mo ang Diyos, at tiyak na hindi ka makapaninindigan. Sa kasalukuyan, mabigat ang loob na nagsisikap kuno ang ilang tao sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, ngunit para lang magkamit sila ng mga pagpapala, nang hindi man lang hinahangad ang katotohanan, at nagiging negatibo sila sa tuwing nahihirapan sila. Ganito ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan. Dahil hindi ganap na malinaw sa kanila ang katotohanan ng mga pangitain, at wala silang tunay na pagkaunawa sa gawain ng Diyos, kahit pa gawin nila ang kanilang mga tungkulin at igugol nila ang kanilang sarili para sa Diyos, wala silang lakas sa kanilang puso, at hindi sila maaalalayan nang matagal ng kaunting doktrinang nauunawaan nila bago sila babagsak. Kung ang mga tao ay hindi regular na nagtitipon, nakikinig sa mga sermon, o naghahanap sa katotohanan para malutas ang kanilang mga problema, hindi sila makapaninindigan. Samakatuwid, ang mga gumaganap ng mga tungkulin ay kailangang regular na magbahaginan sa katotohanan, at sa tuwing may nangyayari sa kanila at nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro ay dapat nilang ayusin ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan sa napapanahong paraan. Sa ganitong paraan lamang sila makatitiyak na mananatili silang tapat sa pagganap ng kanilang tungkulin at na makasusunod sila sa Diyos hanggang sa wakas.

Ang daan tungo sa pananalig sa Diyos ay mabato at baku-bako. Ito ay inorden ng Diyos. Anuman ang mangyari, kagaya man ito o hindi ng kagustuhan ng mga tao, o umaayon man ito o hindi sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, o nakikini-kinita man nila ito o hindi, hindi ito mangyayari kung hindi dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang pangangasiwa. Ang paggawa ng Diyos sa lahat ng ginagawa Niya ay may natatanging kabuluhan dahil tinutulutan nito ang mga tao na matuto ng leksyon mula rito at malaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang layon ng pagkaalam sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay hindi na dapat lumaban ang mga tao sa Diyos, ni hindi na ang mga tao, na nakaunawa sa Diyos, ay dapat magkaroon ng mas higit na kapangyarihan at kapital na magagamit para makipagkumpitensya sa Kanya. Sa halip, iyon ay na kapag may nangyayari sa kanila, dapat matutuhan ng mga tao na tanggapin na ang mga iyon ay mula sa Diyos, dapat nilang hanapin ang katotohanan para maunawaan iyon, at pagkatapos ay isagawa ang katotohanan para makamit ang tunay na pagpapasakop, at magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Kanya. Nauunawaan ba ninyo ito? (Oo.) Kung gayon, paano ninyo ito isasagawa? Tama ba ang inyong landas ng pagsasagawa tungkol sa gayong mga bagay? Tinatrato ba ninyo ang bawat bagay na nangyayari sa inyo nang may pusong nagpapasakop at saloobing naghahanap sa katotohanan? Kung isa kang taong naghahangad sa katotohanan, tataglayin mo ang gayong pag-iisip. Anuman ang mangyari sa iyo, tatanggapin mo na mula ito sa Diyos, at magpapatuloy ka upang hanapin ang katotohanan, at arukin ang Kanyang mga layunin, at ituring ang mga tao at bagay batay sa Kanyang mga salita. Sa lahat ng bagay na nangyayari sa iyo, mararanasan mo at malalaman ang gawain ng Diyos, at makakaya mong magpasakop sa Kanya. Kung hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan, anuman ang sumapit sa iyo, hindi mo ito haharapin nang ayon sa mga salita ng Diyos, ni hindi mo hahanapin ang katotohanan. Iraraos mo lang ang gawain, nang hindi nagkakamit ng anumang katotohanan bilang resulta. Ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagsasaayos ng maraming bagay na hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, upang sanayin sila na hanapin ang katotohanan, magkaroon sila ng pagkaunawa sa Kanyang mga gawa, at makita nila ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat at karunungan, upang unti-unting lumago ang kanilang buhay. Bakit ba iyong mga naghahangad sa katotohanan ay nararanasan ang gawain ng Diyos, nakakamit ang katotohanan at nagagawa silang perpekto ng Diyos, samantalang ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay tinitiwalag? Ito ay dahil ang mga naghahangad sa katotohanan ay kayang hanapin ito anuman ang mangyari sa kanila, kaya’t nasa kanila ang gawain at kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at sa gayon ay naisasagawa nila ang katotohanan, nakapapasok sila sa realidad ng mga salita ng Diyos, at nagagawa Niya silang perpekto; samantala, ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay nakikitang hindi umaayon ang gawain ng Diyos sa kanilang mga kuru-kuro, ngunit hindi nila ito nilulutas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, at maaari pa nga silang maging negatibo at magreklamo. Sa paglipas ng panahon, dumarami ang kanilang mga kuru-kuro sa Diyos, at nagsisimula silang magduda at magtatwa sa Kanya. Bilang resulta, itinataboy at tinitiwalag sila ng gawain ng Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit ang dapat na saloobin ng mga tao sa katotohanan ay ang hanapin ito, isagawa ito, at sikaping matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, sa halip na ang maging negatibo at pasibo. Upang maranasan ang gawain ng Diyos, kailangan nilang harapin ang maraming bagay, at tingnan ang lahat ng ito ayon sa mga salita ng Diyos, gayundin ang gumugol ng mas maraming oras sa pagninilay-nilay, paghahanap sa katotohanan at pagbabahagi tungkol dito, upang malaman nila ang gawain ng Diyos at makasabay sila rito. Sa ganitong paraan lamang nila mauunawaan ang katotohanan, at mas malalim itong mauunawaan bawat araw, at sa ganitong paraan lamang magkakapundasyon sa mga tao ang mga salita ng Diyos at ang bawat aspekto ng katotohanan. Ang pagdanas sa gawain ng Diyos ay hindi maihihiwalay sa totoong buhay, lalo na sa kapaligiran ng iba’t ibang tao, usapin, at bagay na isinasaayos ng Diyos, kung hindi ay hindi mauunawaan at makakamit ng mga tao ang katotohanan. Karamihan sa mga tao ay hindi alam kung paano danasin ang gawain ng Diyos sa tuwing nagkakaproblema sila. Hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan para malutas ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, o maayos ang kanilang mga maling pagkaunawa at mga kalokohang pananaw. Dahil dito, sa kabila ng pagdanas ng maraming bagay, hindi nila nauunawaan ang katotohanan at sa halip ay wala silang nakakamit—ito ay pag-aaksaya ng oras. Anuman ang mangyari sa kanila, sa huli, ang dapat isagawa ng mga tao ay ang magpasakop sa pangangasiwa at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang pagpapasakop na ito ay hindi nangangahulugan na ang mga tao ay dapat negatibo at pasibong magpasakop, o magpasakop bilang panghuling paraan, kundi sa halip ay na magkaroon sila ng positibo at maagap na intensyon, at isang landas sa pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng pagpapasakop sa pangangasiwa at mga pagsasaayos ng Diyos? Nangangahulugan ito na anuman ang isaayos ng Diyos, anuman ang mangyari sa iyo, hayaan mo ang Diyos na gawin ito at matuto kang magpasakop sa Kanya. Huwag kang magkaroon ng anumang mga hangarin o pansariling mga plano, at huwag mong subukang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa sarili mong kagustuhan. Lahat ng gusto, hinahangad, at inaasam ng mga tao ay kalokohan at kahangalan. Masyadong naghihimagsik ang mga tao laban sa Diyos. Hinihiling Niya sa mga tao na pumunta sa silangan, ngunit ayaw nilang pumunta sa silangan. Kahit pa nag-aatubili silang magpasakop, sa loob-loob nila iniisip pa rin nilang pumunta sa kanluran. Hindi ito tunay na pagpapasakop. Ang tunay na pagpapasakop ay nangangahulugan na kapag sinabi sa iyo ng Diyos na pumunta sa silangan, dapat kang pumunta sa silangan, at tigilan at iwaksi ang lahat ng pag-iisip na pumunta sa timog, hilaga o kanluran, at magawa mong maghimagsik laban sa kagustuhan ng laman, at pagkatapos ay magsagawa sa pamamagitan ng pagtahak sa landas at direksyon na ipinakita sa iyo ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagpapasakop. Ano ang mga prinsipyo ng pagpapasakop? Ang mga ito ay ang makinig sa mga salita ng Diyos at magpasakop, at magsagawa alinsunod sa sinasabi ng Diyos. Huwag kang magkimkim ng sarili mong mga intensyon, at hindi ka rin maaaring maging kapritsoso. Malinaw mo mang nauunawaan ang mga salita ng Diyos o hindi, dapat mong mapagpakumbabang isagawa ang mga ito, at gawin ang mga bagay-bagay ayon sa Kanyang mga hinihingi. Mula sa proseso ng pagsasagawa at pagdanas, hindi namamalayang mauunawaan mo ang katotohanan. Kung sinasabi ng iyong bibig na nagpapasakop ka sa Diyos, ngunit hindi ka kailanman bumibitiw at naghihimagsik laban sa iyong panloob na mga plano at hangarin, hindi ba’t ito ay pagsasalita ng isang bagay at pag-iisip ng iba? (Oo.) Hindi ito tunay na pagpapasakop. Kung hindi ka tunay na magpapasakop, marami kang hihingiin sa Diyos sa tuwing may mangyayari sa iyo, at sa loob-loob mo ay maiinip ka na matugunan ng Diyos ang iyong mga hinihingi. Kung hindi gagawin ng Diyos ang ninanais mo, magdadalamhati ka at sasama ang loob mo nang husto, labis kang magdurusa, at hindi ka makapagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at sa mga kapaligirang itinakda ng Diyos para sa iyo. Bakit ganito? Dahil palagi kang mayroong mga sarili mong hinihingi at hinahangad, at hindi mo kayang bitiwan ang sarili mong mga personal na ideya, at gusto mong ikaw ang masusunod. Kaya, sa tuwing nakatatagpo ka ng mga bagay-bagay na salungat sa iyong mga kuru-kuro, hindi mo kayang magpasakop, at mahirap para sa iyo na magpasakop sa Diyos. Bagamat alam ng mga tao sa teorya na dapat silang magpasakop sa Diyos at dapat nilang bitiwan ang sarili nilang mga ideya, sadyang hindi nila ito mabitiwan, palagi silang natatakot na madehado at mawalan. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t pinahihirapan sila nito nang husto? Hindi ba’t lalong tumitindi ang kanilang pagdadalamhati kung gayon? (Oo.) Kung kaya mong bitiwan ang lahat, at bitiwan ang mga bagay na gusto mo at hinihingi mo ngunit salungat sa mga layunin ng Diyos, kung kaya mong maagap at kusang-loob na bitiwan ang mga ito, at hindi makipagkasunduan sa Diyos, bagkus ay maging handang gawin ang hinihingi ng Diyos, mababawasan ang paghihirap sa loob mo at ang mga balakid. Kung mababawasan ang mga hadlang sa pagpapasakop ng isang tao sa Diyos, hindi ba’t mababawasan ang kanyang pagdadalamhati? Habang nababawasan ang kanyang pagdadalamhati, nababawasan nang husto ang pagdurusang hindi naman niya kailangang pagdaanan. Mararanasan ba ninyo ang ganitong paraan? Malamang hindi pa. Kapag ang ilang tao ay nakakita ng isang taong nakararanas ng mga paghihirap, agad silang nag-iingat sa pamamagitan ng paglalagay ng kanilang sarili sa posisyon ng taong iyon. Sa tuwing nakakakita sila ng isang taong nahaharap sa isang uri ng pagdadalamhati, karamdaman, kapighatian, o kapahamakan, agad nilang inaalala ang kanilang sarili at iniisip na, “Kung mangyari ito sa akin, ano ang gagawin ko? Maaari palang maharap pa rin sa mga bagay na ito at magdusa ng mga paghihirap na ito ang mga mananampalataya. Kaya’t ano bang uri mismo ng Diyos Siya? Kung ang Diyos ay lubos na walang konsiderasyon sa mga nararamdaman ng taong iyon, ganoon din ba Niya ako tatratuhin? Ipinapakita nito na hindi maaasahan ang Diyos. Sa anumang lugar at anumang oras, nagsasaayos Siya ng isang hindi inaasahang kapaligiran para sa mga tao, at maaari Niya silang patuloy na ilagay sa mga nakakahiyang sitwasyon, at sa anumang sirkumstansiya.” Natatakot sila na kung hindi sila mananampalataya, hindi sila magkakamit ng mga pagpapala, ngunit kung patuloy silang mananampalataya, makatatagpo sila ng kapahamakan. Sa ganitong paraan, kapag nananalangin ang mga tao sa harap ng Diyos, basta lang nilang sinasabing, “Diyos ko, nakikiusap ako na pagpalain Mo ako,” at hindi sila naglalakas-loob na sabihing, “Diyos ko, hinihiling ko na subukin Mo ako, disiplinahin Mo ako, at gawin Mo ang Iyong kalooban, handa po akong tanggapin ito”—hindi sila naglalakas-loob na manalangin nang ganito. Matapos makaranas ng ilang dagok at kabiguan, nababawasan ang determinasyon at katapangan ng mga tao, at nagkakaroon sila ng ibang “pagkaunawa” sa matuwid na disposisyon ng Diyos, sa Kanyang pagkastigo at paghatol, at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at nakararamdam din sila ng pagiging maingat sa Diyos. Sa ganitong paraan, mayroong isang harang, isang pagkakalayo, sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Ayos lang ba na magkaroon ang mga tao ng mga ganitong kalagayan? (Hindi.) Kaya, may tendensiya bang mabuo sa loob ninyo ang ganitong mga kalagayan? Minsan ba ay namumuhay kayo sa mga ganitong kalagayan? (Oo.) Paano dapat lutasin ang gayong mga problema? Ayos lang bang hindi hanapin ang katotohanan? Kung hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan at wala kayong pananalig, magiging mahirap para sa inyo na sundin ang Diyos hanggang sa huli, at madadapa kayo sa tuwing makatatagpo kayo ng mga sakuna at kapahamakan, natural man ito o gawa ng tao.

Matapos sumailalim ni Job sa pagsubok, binigkas niya ang mga salitang: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Sa panahon ngayon, maraming tao ang natututong bigkasin ang pangungusap na ito, at tumpak nila itong nabibigkas. Ngunit sa tuwing binibigkas nila ito, ang iniisip lang nila ay si Jehova ang nagbibigay, pero hindi nila iniisip kung ano ang mangyayari kapag si Jehova ang nag-aalis, at kung anong uri ng dalamhati, paghihirap at nakakaasiwang sitwasyon ang mararanasan ng mga tao kung gayon, o kung paano nag-iiba ang damdamin ng mga tao dahil sa nagbabagong kapaligiran. Hindi na nila ito pinag-isipan pa, patuloy lamang silang bumibigkas ng “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” maging sa punto ng paggamit ng pangungusap na ito bilang isang sawikain at doktrina na kanilang inuulit bigkasin sa bawat pagkakataon. Sa isip ng lahat, ang tanging bagay na naiisip nila ay ang lahat ng biyaya, pagpapala, at pangako na ipinagkakaloob ni Jehova sa mga tao, ngunit hindi nila kailanman naiisip—o hindi nila nakikinita—kung anong uri ng eksena ang mangyayari kapag inalis ni Jehova ang lahat ng bagay na ito sa kanila. Ang lahat ng sumasampalataya sa Diyos ay handa lamang na tanggapin ang biyaya, mga pagpapala, at mga pangako ng Diyos, at handa lamang tanggapin ang Kanyang kabaitan at habag. Ngunit walang naghihintay o naghahanda na tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, ang Kanyang mga pagsubok at pagpipino, o ang Kanyang pagkakait, at walang ni isang tao ang naghahandang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang Kanyang pagkakait, o ang Kanyang mga sumpa. Normal ba o hindi normal ang relasyong ito sa pagitan ng mga tao at ng Diyos? (Hindi normal.) Bakit mo nasabing hindi normal ito? Ano ang kulang dito? Ang kulang dito ay hindi taglay ng mga tao ang katotohanan. Ito ay dahil napakaraming kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, palagi silang nagkakamali ng pagkaunawa sa Diyos, at hindi nila inaayos ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan—kaya’t malaki ang posibilidad na magkakaroon ng mga problema. Sa partikular, nananampalataya lamang ang mga tao sa Diyos para sila ay pagpalain. Nais lamang nilang makipagkasundo sa Diyos, at humingi ng mga bagay mula sa Kanya, ngunit hindi nila hinahangad ang katotohanan. Napakamapanganib nito. Sa sandaling makatagpo sila ng isang bagay na salungat sa kanilang mga kuru-kuro, agad silang magkakaroon ng mga haka-haka, hinaing, at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, na maaari pa ngang umabot sa pagtataksil sa Kanya. Malubha ba ang mga kahihinatnan nito? Anong landas ang tinatahak ng karamihan ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos? Bagamat maaaring nakapakinig na kayo sa napakaraming sermon at pakiramdam ninyo ay marami na kayong naunawaan na katotohanan, ang totoo ay tinatahak pa rin ninyo ang landas ng pananampalataya sa Diyos para lamang makinabang hangga’t maaari. Kung handa na ang iyong isipan para tumanggap ng paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino, at hinanda mo na rin ang isipan mo na dumanas ng sakuna, at kung, gaano man kalaki ang ginugugol mo para sa Diyos at gaano man kalaki ang isinasakripisyo mo sa pagganap ng iyong tungkulin, ay talagang mahaharap ka sa mga pagsubok ni Job, at ipagkakait sa iyo ng Diyos ang lahat ng iyong ari-arian, maging sa puntong malapit nang matapos ang buhay mo, ano ang gagawin mo kung gayon? Paano mo haharapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Paano mo dapat harapin ang iyong tungkulin? Paano mo dapat harapin ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos? Mayroon ka bang tamang pag-unawa at tamang saloobin? Madali bang sagutin ang mga katanungang ito o hindi? Isa itong malaking hadlang na inilagay sa harapan ninyo. Dahil isa itong hadlang at problema, hindi ba’t dapat itong lutasin? (Oo.) Paano ito lulutasin? Madali ba itong lutasin? Ipagpalagay na, pagkatapos manalig sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, makapagbasa ng napakaraming salita ng Diyos, makinig sa napakaraming sermon, at maunawaan ang napakaraming katotohanan, handa ka nang hayaan ang Diyos na pangasiwaan ang lahat, maging mga pagpapala man iyon o isang sakuna. At kung ipagpalagay na, sa kabila ng iyong pagtalikod at paggugol sa sarili, at ng mga sakripisyong nagawa mo, at ng isang panghabang-buhay na lakas, ang tanging makukuha mo bilang kapalit ay ang pagsusumpa sa iyo ng Diyos, o pagkakait sa iyo. Kung, magkagayon man, ay hindi ka nagrereklamo, walang sariling mga pagnanais o hinihingi, bagkus ay hinahangad mo lang na magpasakop sa Diyos at iasa ang sarili mo sa Kanyang mga pangangasiwa, at pakiramdam mo, ang pagkakaroon ng kahit kaunting pagkaunawa at kaunting pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay nagbibigay pa rin ng kabuluhan sa iyong buhay—kung may gayon kang tamang saloobin, hindi ba’t magiging madaling lutasin ang ilang paghihirap? Mayroon na ba kayong tunay na kaalaman ngayon sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? May mga plano pa rin ba kayo para sa inyong personal na kinabukasan at kapalaran sa kaibuturan ng inyong puso? Kaya ba ninyong iwanan ang lahat at taos-pusong igugol ang inyong sarili para sa Diyos? Gumugol ba kayo ng oras at lakas sa maingat na pagninilay-nilay at pag-iisip tungkol sa mga isyung ito? O nakaranas ba kayo ng ilang bagay para maunawaan ang mga katotohanan at malaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Kung hindi man lang ninyo naisip ang gayong praktikal na problema ng kung paano dapat harapin ng mga taong sumusunod sa Diyos ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at ang pangangasiwa at mga pagsasaayos ng Lumikha, na siya ring pinakamalaking problema sa harap ninyo, at hindi ninyo napagtatanto na ito ang pinakamalaking katotohanan ng mga pangitain, kung gayon, kung isang araw ay may mangyayaring isang malaking kaganapan o sakuna, makakapanindigan ka ba sa iyong patotoo? Hindi ito tiyak, at hindi pa malinaw ang aspektong ito, hindi ba? (Oo.) Hindi ba’t dapat pagnilayang mabuti ang isyung ito? (Oo.) Kaya paano ka magkakaroon ng sapat na tayog para harapin ang isang kinabukasang hindi mo mahulaan? Paano ka makapaninindigan sa iyong patotoo sa loob ng mga kapaligirang itinakda ng Diyos? Hindi ba’t isa itong isyu na dapat seryosong ikonsidera at pag-isipan? Kung palagi mong iniisip na, “Ako ay likas na mabuting tao, at natamasa ko nang husto ang napakaraming biyaya, pagpapala, at proteksyon ng Diyos. Kapag nahihirapan ang iba, wala silang magawa, pero sa tuwing nahihirapan ako, tinutustusan, ginagabayan, at tinutulungan ako ng Diyos. Ngayon, nakakaya ko nang tiisin ang hirap at nakakapagsakripisyo ako sa pagganap ng aking tungkulin, mas lumakas na ang pananalig ko sa Diyos, at ginagampanan ko rin ang isang mahalagang tungkulin. Nakikita ko na labis na mapagbiyaya sa akin ang Diyos, at nasa akin ang Kanyang proteksyon at pagpapala. Kung ipagpapatuloy ko ito, kahit na dumanas ako ng ilang pagkastigo, paghatol, pagsubok, at pagpipino sa hinaharap, siguradong malalampasan ko ang mga ito. Sa huli, tiyak na isa ako sa mga pagpapalain, tiyak na dadalhin ako ng Diyos sa kaharian, at tiyak na makikita ko ang araw na luluwalhatiin ang Diyos!” Paano kung ganito ang paraan ng pag-iisip? Naniniwala ka na naiiba ka, na espesyal kang pinapaboran ng Diyos, at na kung may ititiwalag o tatalikuran ang Diyos, hindi ikaw iyon. Tama ba ang mga kaisipang ito? (Hindi.) Bakit hindi tama ang mga ito? (Hindi obhetibo ang mag-isip nang ganito.) Katumbas ba ng mga salitang ito ang tunay na kaalaman sa Diyos? O ito ba ay pawang personal na pagtingin at ispekulasyon lamang? Ang mga taong may ganitong mga kaisipan ay mga tao ba na naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kaya, tunay ba silang makapagpapasakop sa Diyos? (Hindi.) Handa na ba silang tanggapin ang pagkastigo, paghatol, mga pagsubok at pagpipino ng Diyos, at maging ang Kanyang mga sumpa? (Hindi.) Ano ang gagawin nila kapag talagang nangyari sa kanila ang pagkastigo at paghatol, mga pagsubok at pagpipino ng Diyos? Magkakaroon ba sila ng mga kuru-kuro o reklamo tungkol sa Diyos? Matatanggap ba nila ang mga ito bilang mga bagay na mula sa Diyos at tunay ba silang makapagpapasakop? (Hindi.) Magiging mahirap itong makamit, sa totoo lang. Ito ay dahil nananampalataya sila sa Diyos para lamang humingi ng biyaya o makinabang hangga’t maaari. Hindi nila alam na ang Diyos ay maharlika at napopoot din, at na hindi nalalabag ang disposisyon ng Diyos. Tinatrato ng Diyos ang lahat nang patas, at pagdating sa sinumang nilikha, ang disposisyon ng Diyos ay pagkahabag at pagmamahal, ngunit naroon din ang pagkamaharlika at pagkapoot. Sa pakikitungo ng Diyos sa bawat tao, ang pagkahabag, pagmamahal, pagkamaharlika, at pagkapoot sa Kanyang matuwid na disposisyon ay hinding-hindi nagbabago. Ang Diyos ay hindi kailanman magpapakita ng pagkahabag at pagmamahal para lamang sa ilang tao, at pagkamaharlika at pagkapoot para lamang sa iba. Hinding-hindi ito gagawin ng Diyos, dahil Siya ay isang matuwid na Diyos, at Siya ay patas sa lahat. Ang pagkahabag, pagmamahal, pagkamaharlika, at pagkapoot ng Diyos ay umiiral para sa sinumang tao. Maaari Siyang magkaloob ng biyaya at mga pagpapala sa mga tao, at magbigay sa kanila ng proteksyon. Kasabay nito, maaari ding hatulan at parusahan ng Diyos ang mga tao, sumpain sila, at alisin ang lahat ng ibinigay Niya sa kanila. Maaaring magbigay ang Diyos sa mga tao, ngunit maaari din Niyang alisin ang lahat sa kanila. Ito ang disposisyon ng Diyos, at ito ang dapat Niyang gawin sa bawat tao. Samakatuwid, kung iniisip mo na, “Mahalaga ako sa mga mata ng Diyos, ako ang Kanyang kinagigiliwan. Tiyak na hindi Niya matitiis na parusahan at hatulan ako, at tiyak na hindi kakayanin ng puso Niya na kuhain ang lahat ng ibinigay Niya sa akin, upang hindi sumama ang loob ko at hindi ako mabalisa,” hindi ba’t mali ang ganitong pag-iisip? Hindi ba’t isa itong kuru-kuro tungkol sa Diyos? (Oo.) Kaya, bago mo maunawaan ang mga katotohanang ito, hindi ba’t iniisip mo lang ang magtamasa ng biyaya, habag, at pagmamahal ng Diyos? Bilang resulta, palagi mong nakakalimutan na ang Diyos ay mayroon ding pagkamaharlika at pagkapoot. Bagamat binibigkas ng iyong mga labi na ang Diyos ay matuwid, at nagagawa mong magpasalamat at magpuri sa Diyos kapag nagpakita Siya sa iyo ng pagkahabag at pagmamahal, labis na sumasama ang loob mo sa tuwing nagpapakita ang Diyos ng pagkamaharlika at pagkapoot sa pagkastigo at paghatol sa iyo. Iniisip mo na “Kung hindi lang sana umiral ang gayong Diyos.” “Kung hindi lang sana ang Diyos ang gumawa nito, kung hindi lang sana ako pinupuntirya ng Diyos, kung hindi lang sana ito ang layunin ng Diyos, kung sana ay ginawa na lang ang mga bagay na ito sa iba. Dahil mabait akong tao, at wala akong ginawang masama, at nagbayad ako ng malaking halaga para sa pananampalataya ko sa Diyos sa loob ng maraming taon, hindi dapat maging masyadong walang awa ang Diyos. Dapat akong maging karapat-dapat at kuwalipikadong magtamasa sa habag at pagmamahal ng Diyos, gayundin sa saganang biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Hindi ako hahatulan o parurusahan ng Diyos, at hindi rin kakayanin ng puso Niya na gawin ito.” Pangangarap lamang ba ito nang gising at maling pag-iisip? (Oo.) Paano ito naging mali? Ang mali rito ay hindi mo itinuturing ang sarili mo bilang isang nilikha, bilang isang miyembro ng nilikhang sangkatauhan. Nagkamali ka nang ihiwalay mo ang iyong sarili sa nilikhang sangkatauhan at ituring ang iyong sarili bilang kabilang sa isang espesyal na grupo o uri ng nilikha, nagbibigay ng espesyal na katayuan sa sarili mo. Hindi ba’t mayabang at mapagmagaling ito? Hindi ba’t hindi ito makatwiran? Ito ba ay isang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos? (Hindi.) Talagang hindi.

Sa pamilya ng Diyos, sa mga kapatid, gaano man kataas ang iyong katayuan o posisyon, o gaano man kahalaga ang iyong tungkulin, at gaano man kagaling ang iyong talento at mga kontribusyon, o gaano ka man katagal nang nananampalataya sa Diyos, sa mga mata ng Diyos, isa kang nilikha, isang ordinaryong nilikha, at ang mararangal na ranggo at mga titulo na ibinigay mo sa iyong sarili ay hindi umiiral. Kung palagi mong itinuturing ang mga ito bilang mga korona, o bilang kapital na nagbibigay-daan sa iyo na mapabilang sa isang espesyal na grupo o maging isang espesyal na tao, kung gayon, sa paggawa nito, lumalaban at sumasalungat ka sa mga pananaw ng Diyos, at hindi ka katugma ng Diyos. Ano ang magiging mga kahihinatnan nito? Magdudulot ba ito na tutulan mo ang mga tungkuling dapat gampanan ng isang nilikha? Sa mga mata ng Diyos, ikaw ay isang nilikha lamang, pero hindi mo itinuturing ang sarili mo bilang isang nilikha. Talaga bang makapagpapasakop ka sa Diyos sa gayong pag-iisip? Lagi mong gustong isipin na, “Hindi ako dapat tratuhin ng Diyos nang ganito, hinding-hindi Niya ako pwedeng tratuhin nang ganito.” Hindi ba’t lumilikha ito ng paglaban sa Diyos? Kapag kumikilos ang Diyos nang salungat sa iyong mga kuru-kuro, sa iyong mentalidad, at sa iyong mga pangangailangan, ano ang iisipin mo sa puso mo? Paano mo haharapin ang mga kapaligiran na isinaayos ng Diyos para sa iyo? Magpapasakop ka ba? (Hindi.) Hindi ka magpapasakop, at tiyak na ikaw ay lalaban, sasalungat, magmamaktol, at magrereklamo, paulit-ulit na maguguluhan dito sa puso mo, iisipin na “Pero noon ay pinoprotektahan ako ng Diyos at tinatrato Niya ako nang may kagandahang-loob. Bakit nagbago na Siya ngayon? Hindi na ako maaaring mabuhay pa!” Kaya’t nagsisimula kang magmaktol at magpasaway. Kung umaasta ka nang ganito sa iyong mga magulang sa bahay ninyo, maaaring mapatawad ito at wala silang gagawin sa iyo. Ngunit hindi ito katanggap-tanggap sa sambahayan ng Diyos. Dahil nasa hustong gulang ka na at isa kang mananampalataya, maging ang ibang tao ay hindi kukunsintihin ang iyong kalokohan—sa tingin mo ba ay pahihintulutan ng Diyos ang gayong pag-uugali? Kukunsintihin ba Niya ang ginagawa mo sa Kanya? Hindi. Bakit hindi? Ang Diyos ay hindi ang magulang mo, Siya ang Diyos, Siya ang Lumikha, at ang Lumikha ay hinding-hindi papayag na ang isang nilikha ay magmamaktol at hindi magiging makatwiran o mag-aalboroto sa harap Niya. Kapag kinakastigo at hinahatulan ka ng Diyos, sinusubok ka, o may inaalis Siya sa iyo, kapag inilalagay ka Niya sa paghihirap, nais Niyang makita ang saloobin ng isang nilikha sa kung paano nito tatratuhin ang Lumikha, nais Niyang makita kung anong uri ng landas ang pipiliin ng isang nilikha, at hinding-hindi ka Niya pahihintulutan na magmaktol at maging hindi makatwiran, o magbigkas ng mga kakatwang pangangatwiran. Matapos maunawaan ang mga bagay na ito, hindi ba dapat isipin ng mga tao kung paano nila dapat harapin ang lahat ng ginagawa ng Lumikha? Una sa lahat, dapat gampanan ng mga tao ang kanilang wastong posisyon bilang nilikha at kilalanin ang kanilang identidad bilang nilikha. Magagawa mo bang kilalanin na isa kang nilikha? Kung magagawa mo ito, dapat mong gampanan ang iyong wastong posisyon bilang isang nilikha at magpasakop sa mga pagsasaayos ng Lumikha, at kahit na magdusa ka nang kaunti, dapat mong gawin ito nang walang reklamo. Ito ang ibig sabihin ng pagiging isang taong nasa katwiran. Kung sa palagay mo ay hindi ka isang nilikha, bagkus ay ipinagpapalagay mong mayroon kang mga titulo at isa kang importanteng tao, at na isa kang taong may katayuan, isang mahusay na lider, patnugot, editor, o direktor sa pamilya ng Diyos, at na isa kang taong nakagawa na ng mahahalagang kontribusyon sa gawain ng pamilya ng Diyos—kung iyan ang iniisip mo, isa kang lubhang hindi makatwiran at walang kahihiyan na tao na walang pakundangan. Kayo ba ay mga taong may katayuan, posisyon, at halaga? (Hindi kami ganoon.) Kung gayon, ano ka? (Isa akong nilikha.) Tama, isa ka lang ordinaryong nilikha. Sa mga tao, maaaring ipagmalaki mo ang iyong mga kwalipikasyon, umasta kang nakatataas, ipagmayabang mo ang iyong mga kontribusyon, o magsalita ka tungkol sa iyong magigiting na kabayanihan. Ngunit sa harap ng Diyos, hindi umiiral ang mga bagay na ito, at hinding-hindi ka dapat magsalita o magmayabang tungkol sa mga ito, o magpanggap na mahusay ka. Magiging magulo ang mga bagay-bagay kung ibibida mo ang iyong mga kwalipikasyon. Ituturing ka ng Diyos na lubhang hindi makatwiran at sukdulan sa kayabangan. Masusuklam at mamumuhi Siya sa iyo, at isasantabi ka Niya, at magkakaproblema ka kung gayon. Dapat mo munang kilalanin ang iyong identidad at posisyon bilang isang nilikha. Anuman ang iyong katayuan sa ibang tao, o gaano man kakilala ang iyong katayuan, o anuman ang mga kalamangan mo, o kung binigyan ka man ng Diyos ng isang uri ng espesyal na talento, para tamasahin mo ang labis na pakiramdam ng pagiging nakatataas sa mga tao—kapag humarap ka sa Diyos, walang halaga o kabuluhan ang mga bagay na ito. Samakatuwid, hindi ka dapat magpakitang-gilas, sa halip ay maging isang maamong nilikha sa harap ng Diyos. Sa harap ng Diyos, isa ka lang miyembro ng nilikhang sangkatauhan. Gaano ka man kasikat, gaano ka man kagaling o kahusay, at gaano man kalaki ang iyong mga napagsumikapan, sa harap ng Diyos ay walang kabuluhan na banggitin ang mga ito, lalong walang kabuluhan na ipakitang-gilas ang mga ito, at dapat na gampanan mo na lang ang iyong wastong posisyon bilang isang nilikha. Ito ang una. Ang pangalawa ay ang huwag maghangad para lamang tamasahin ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos habang sa loob-loob ay nilalabanan at tinatanggihan ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, o kinatatakutan ang mga pagsubok at pagpipino ng Diyos para sa iyo. Ang mga takot at paglaban na ito ay pawang walang saysay. Sinasabi ng ilang tao: “Kung handa akong tanggapin ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino ng Diyos, maaari bang hindi ko na pagdaanan ang mga pagdurusang ito?” Hindi ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito ayon sa kung gusto mo ang mga ito o hindi, o ayon sa iyong pansariling hangarin o pagpapasya, kundi ay naaayon ito sa Kanyang kahilingan, mga iniisip, at mga plano. Samakatuwid, bilang isang nilikha, bukod sa pagtanggap ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, kailangan mo ring tunay na matanggap at maranasan sa iyong puso ang pagkastigo, paghatol, mga pagsubok at pagpipino ng mga salita ng Diyos. Mayroong ilang tao na magsasabing: “Ibig Mo bang sabihin, kung ang biyaya ng Diyos ay maaaring ipagkaloob sa mga tao kahit saan at anumang oras, ang pagkastigo, paghatol, mga pagsubok, pagpipino, at mga sakuna ng Diyos ay maaari ding sumapit sa mga tao kahit saan at anumang oras?” Sa palagay ba ninyo ay basta-basta lang na sasapit sa mga tao ang pagkastigo, paghatol, mga pagsubok at pagpipino ng Diyos, na magiging imposible para sa kanila na mag-ingat laban dito? (Hindi ito basta-bastang mangyayari.) Talagang hindi, hindi iyon ang kaso. Ang mga tiwaling tao ay hindi karapat-dapat sa paghatol at pagkastigo ng Diyos—ito ay isang bagay na dapat ninyong malaman. Ngunit dapat mong maunawaan na ang pagbubunyag at paglalantad sa iyo ng Diyos, pagdidisiplina, pagtutuwid at pagkakastigo sa iyo, at ang Kanyang paghatol, mga pagsubok at pagpipino, at maging ang Kanyang pagsumpa sa iyo ay batay sa iyong tayog, sitwasyon, at siyempre, sa iyong mga pansariling hangarin. Kung sinasang-ayunan ka ng Diyos, sasapit sa iyo ang Kanyang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino sa tamang oras. Sa panahon ng iyong pananampalataya sa Diyos, kasama mo sa lahat ng oras at lugar ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, gayundin ang Kanyang mga paghahayag, pagtutuwid, pagdidisiplina, pagkastigo at paghatol, mga pagsubok at pagpipino, at iba pa. Siyempre, ang sa lahat ng oras at lugar ay nangangahulugan ng makatarungang sukat, tamang panahon, at batay sa plano ng Diyos. Hindi ito basta-bastang nangyayari sa mga tao, at hindi ito nangangahulugan na ang isang malaking kalamidad ay bigla-biglang sasapit sa mga tao sa sandaling titigil sila sa pag-iingat. Hindi naman iyon ganoon. Kung wala kang partikular na tayog at wala pang anumang planong gawin ang Diyos sa iyo, huwag kang mag-alala, maaaring kasama mo lang ang biyaya, pagpapala, at presensiya ng Diyos sa buhay mo. Kung wala kang sapat na tayog, o talagang lumalaban ka at natatakot sa pagkastigo, paghatol, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos, hindi ipipilit ng Diyos ang mga bagay na labag sa iyong kalooban, kaya hindi mo kailangang mag-alala tungkol dito. Mangyari man ang mga bagay na ito o hindi, dapat malaman ng mga tao ang gawain ng Diyos at maunawaan ang Kanyang mga layunin. Sa pamamagitan lamang ng tumpak na kaalaman sa mga salita ng Diyos magkakaroon ang mga tao ng tamang saloobin, normal na kalagayan, at kakayahang harapin nang tama ang anumang mangyayari sa kanila. Handa na ba kayong tanggapin ngayon ang pagkastigo, paghatol, mga pagsubok at pagpipino ng Diyos? Handa ba kayong tumanggap? (Handa na kami.) Sinasabi ng inyong mga bibig na oo, pero takot na takot pa rin kayo sa puso ninyo. Kung, pagkatapos na pagkatapos magsabi ng oo, biglang sumapit sa iyo ang isang kalamidad nang hindi inaasahan, paano mo ito haharapin? Iiyak ka ba? Matatakot ka ba sa kamatayan? Mag-aalala ka ba na hindi ka pagpapalain? Mag-aalala ka ba na hindi mo makikita ang araw kung kailan luluwalhatiin ang Diyos? Lahat ito ay problema na kinakaharap ng mga tao kapag may nangyayari sa kanila. Sa madaling salita, kung nais ng isang tao na manindigan sa gitna ng mga pagsubok at paghihirap, dapat siyang magtaglay ng dalawang bagay. Una, gampanan ang iyong wastong posisyon bilang nilikha. Dapat maging malinaw sa puso mo na isa kang ordinaryong nilikha, isang ordinaryong tao sa gitna ng tiwaling sangkatauhan, na hindi ka kakaiba o espesyal, at dapat mong gampanan ang iyong wastong posisyon bilang isang nilikha. Pangalawa, magkaroon ng taos na pusong nagpapasakop sa Diyos, at maging handa sa lahat ng oras na tanggapin ang mga pagpapala at biyaya mula sa Diyos, gayundin ang tanggapin ang pagkastigo, paghatol, at mga pagsubok at pagpipino mula sa Kanya. Gaya ng sinabi ni Job, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10), at “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Isa itong katunayan, at isa itong katunayan na hinding-hindi magbabago. Naiintindihan mo, hindi ba? (Oo.) Kung taglay mo ang dalawang bagay na ito, talagang makapaninindigan ka at malalampasan mo ang mga pangkalahatang kalamidad at kapighatian. Bagamat hindi ka makapagbibigay ng malakas at matunog na patotoo, kahit papaano naman ay malabong ikaw ay maligaw, matisod, o gumawa ng isang bagay na mapanlinlang. Hindi ba’t ligtas ka kung gayon? (Oo.) Kung gayon, dapat kayong magsagawa ayon sa dalawang bagay na ito, at tingnan kung madali ba itong matamo, at kung matatanggap ba ninyo ang mga ito sa kaibuturan ng inyong puso. Sa sandaling matutunan mo ang mga bagay na ito, kapag naharap ka sa ilang pagsubok, ikaw na ang bahala kung gaano man magiging iba ang iyong pagtingin at pag-unawa rito. Dito na nagtatapos ang ating pagbabahaginan sa paksang ito.

Kaugnay sa mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura, aling mga kasabihan ang pinagbahaginan natin nitong huli? (Nagbahaginan tayo tungkol sa tatlong kasabihan, “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” at “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan.”) Nitong huli, nagbahaginan tayo sa tatlong mga hinihingi at kasabihan na ito tungkol sa wastong asal, at gayundin sa diwa ng mga kasabihan sa wastong asal. Ano ang ating pinagbahaginan tungkol sa diwa ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal? (Tinalakay ng Diyos ang kaibahan ng mga kasabihan sa wastong asal at ng katotohanan. Ang mga kasabihan sa wastong asal ay naghihigpit lamang sa pag-uugali ng mga tao at pinasusunod sila sa mga panuntunan lamang, samantalang sinasabi ng katotohanan ng mga salita ng Diyos sa mga tao ang mga katotohanang prinsipyo na dapat nilang maunawaan, at itinuturo nito ang ilang landas ng pagsasagawa para sa kanila, upang magkaroon sila ng mga prinsipyo at ng direksyon sa kanilang pagsasagawa sa tuwing may nangyayari sa kanila. Ito ang mga aspekto kung saan ang mga kasabihan ng wastong asal ay naiiba sa katotohanan.) Nitong huli, nagbahaginan tayo na ang pangunahing hinihingi ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay ang sumunod ang mga tao sa ilang partikular na pagkilos at panuntunan, at ang mas bigyang-diin ang paggamit ng mga panuntunan upang paghigpitan ang pag-uugali ng mga tao. Samantala, ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ay pangunahing tumuturo sa mga landas ng pagsasagawa para sa kanila batay sa kung ano ang maaaring makamit ng normal na pagkatao, at itong malalawak na landas ng pagsasagawa ay tinatawag na mga prinsipyo. Nangangahulugan ito na, sa tuwing may problemang dumarating sa iyo, sasabihin sa iyo ng Diyos ang tumpak at positibong landas ng pagsasagawa, at sasabihin Niya sa iyo ang mga prinsipyo, layon, at direksyon para sa iyong pagsasagawa. Ayaw Niyang sumunod ka sa mga panuntunan, kundi ay sumunod sa mga prinsipyong ito. Sa ganitong paraan, isinasabuhay ng mga tao ang katotohanang realidad, at magiging tama ang landas na tinatahak nila. Ngayon, higit pa nating tingnan kung ano ang iba pang mahahalagang problema sa mga kasabihan tungkol sa wastong asal. Ang kaisipan ng mga tao ay hindi lamang nalilimitahan ng maraming kasabihan tungkol sa wastong asal, kundi nalilihis at pumupurol din ang kanilang pag-iisip dahil dito. Kasabay nito, may ilang mas radikal na kasabihan na kumokontrol sa buhay ng mga tao. Halimbawa, ang nakatatakot na kasabihan sa ating huling pagbabahaginan na, “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” ay hindi lamang kumokontrol at naglilimita sa mga kaisipan ng mga tao, kundi kinokontrol din nito ang kanilang buhay, sa pamamagitan ng hindi lamang pag-alis ng kanilang kakayahang pahalagahan ang sarili nilang buhay, kundi itinutulak din sila nitong basta-bastang isuko ang kanilang buhay dahil sa mga di-makatwirang dahilan, sa mapusok at walang ingat na paraan. Hindi ba’t pagkontrol ito sa buhay ng mga tao? (Oo.) Bago pa man maunawaan ng mga tao kung ano ang kabuluhan ng buhay, at matagpuan ang tamang landas sa buhay, basta-basta nila itong isinusuko para sa diumano’y isang kaibigan bilang kapalit ng katiting na kabaitan, at itinuturing nila ang sarili nilang buhay bilang napakababa at walang halaga. Ito ang bunga ng isang uri ng pag-iisip na itinuturo ng tradisyonal na kultura sa mga tao. Kung titingnan kung paano nalilimitahan ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal ang kaisipan ng mga tao, walang ni isang positibong bagay tungkol sa mga ito, at kung titingnan kung paano basta-bastang kinokontrol ng mga ito ang buhay ng mga tao, tiyak na walang mga positibong epekto o pakinabang ang mga ito sa mga tao. Bukod doon, ang mga tao ay nalilihis at ginagawang manhid ng mga ideyang ito. Alang-alang sa sarili nilang banidad at pride, at upang hindi sila kondenahin ng pampublikong opinyon, napipilitan silang kumilos ayon sa mga hinihingi ng wastong asal. Ang mga tao ay ganap nang nagapos, nahigpitan, at napigilan ng iba’t ibang kasabihan at ideya tungkol sa wastong asal, kaya wala na silang ibang magagawa pa. Ang sangkatauhan ay handang mamuhay sa ilalim ng mga gapos ng mga kasabihan sa wastong asal at walang kalayaang magpasya dahil lamang sa mga layon na makapamuhay ng isang mas kagalang-galang na buhay, magmukhang mabuti sa harap ng iba, lubos na mapahalagahan at makakuha ng mga kanais-nais na komento mula sa mga tao, pati na rin ang maiwasang maging puntirya ng paninira, at para magdala ng karangalan sa kanilang pamilya. Sa mga ideya at pananaw na ito ng mga tao, pati na sa mga penomenang ito na kontrolado sila ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal, bagamat medyo nililimitahan at pinipigilan ng gayong mga kasabihan ang pag-uugali ng tao, lubusang itinatago ng mga ito ang katunayan na ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, at ang katunayan na ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon at satanikong kalikasan. Gumagamit sila ng panlabas na pag-uugali upang pagtakpan ang mga tao para magmukha silang namumuhay ng isang kagalang-galang, may pinag-aralan, elegante, mabuti, tanyag, at marangal na buhay. Samakatuwid, matutukoy lamang ng iba kung anong uri sila ng tao—kung sila ay marangal o mababa, mabuti o masama—sa pamamagitan ng kanilang panlabas na pag-uugali. Sa gayong mga sitwasyon, sinusukat at hinuhusgan ng lahat kung mabuti o masama ang isang tao batay sa iba’t ibang hinihingi ng wastong asal, ngunit walang sinuman ang nakakakita sa tiwaling diwa ng mga tao sa likod ng kanilang paimbabaw na wastong asal, ni hindi nila malinaw na nakikita ang lahat ng iba’t ibang panlilinlang at kalupitan na nakatago sa likod ng wastong asal. Sa ganitong paraan, ginagamit ng mga tao ang wastong asal bilang panakip para mas maitago ang kanilang tiwaling diwa. Halimbawa, may isang babae na mukhang malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal, tumatanggap siya ng papuri at paghanga mula sa mga taong nakapaligid sa kanya. Siya ay may wastong pag-uugali, magandang asal, talagang mapagpasensya sa kanyang pakikisalamuha sa iba, hindi nagkikimkim ng sama ng loob, masunurin sa kanyang mga magulang, inaasikaso ang kanyang asawa at pinalalaki ang kanyang mga anak, kaya niyang magtiis ng mga paghihirap, at itinuturing siyang isang huwaran para sa ibang babae. Walang makikitang mga problema sa kanyang panlabas na anyo, ngunit walang nakakaalam kung ano ang iniisip niya o kung paano siya nag-iisip sa kaibuturan ng kalooban niya. Hindi niya kailanman sinasabi kung ano ang kanyang mga hangarin at ambisyon, at hindi rin siya naglalakas-loob na magsabi. Bakit hindi siya naglalakas-loob na magsabi? Dahil gusto niyang umasal bilang isang babaeng malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal. Kung tunay siyang magtatapat at ilalantad niya ang kanyang puso at kapangitan, hindi niya magagawang maging isang malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal na babae, at pupunahin at kukutyain pa nga siya ng iba, kaya’t maaari lamang niyang pagtakpan at pagmukhaing mabait ang kanyang sarili. Ang pagtatago sa likod nitong panlabas na pag-uugali ng pagiging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal ay nangangahulugan na nakikita lamang ng mga tao ang kanyang mabubuting gawa at pinupuri siya ng mga ito, at kaya nakamit na niya ang kanyang layon. Ngunit gaano man siya magbalatkayo at manlinlang ng iba, kasingbait ba talaga siya ng gaya ng inaakala ng mga tao? Talagang hindi. Mayroon ba talaga siyang tiwaling disposisyon? Mayroon ba siyang diwa ng katiwalian? Mapanlinlang ba siya? Mayabang? Mapagmatigas? Masama? (Oo.) Tiyak na siya ang mga bagay na ito, ngunit lahat ng ito ay nakatago—totoo ito. Ang ilang makasaysayang tao sa Tsina ay iginagalang bilang mga sinaunang santo at pantas. Ano ang batayan sa pagpapahayag na ito? Pinupuri sila bilang mga santo at pantas batay lamang sa ilang limitado, walang katibayan na mga tala at alamat. Ang totoo, walang nakakaalam kung ano mismo ang kanilang lihim na mga kilos at pag-uugali. Mayroon ba kayong malalim na pagkaunawa sa mga problemang ito ngayon? Ang ilan sa inyo ay malamang na mayroong malalim na pagkaunawa, dahil napakinggan na ninyo ang napakaraming sermon, at nakita ninyo nang napakalinaw ang diwa at katotohanan ng katiwalian ng tao. Hangga’t nauunawaan ng mga tao ang ilang katotohanan, nagagawa nilang magkamit ng malalim na pagkaunawa sa ilang tao, usapin, at bagay. Ang isang malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal na babae—gaano man kapuri-puri ang kanyang panlabas na pag-uugali at wastong asal, at gaano man siya kahusay magbalatkayo at magpanggap na mabuting tao—ay magbubunyag ba ng kanyang mayabang na disposisyon? (Oo.) Talagang magbubunyag siya. Kaya, mayroon ba siyang mapagmatigas na disposisyon? (Oo.) Iniisip niya na tama siya at nararamdaman niyang siya ay malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal, at na isa siyang mabuting tao, na nagpapatunay na siya ay masyadong mapagmagaling at sobrang mapagmatigas din. Ang totoo ay, sa kaloob-looban niya, nakikilala niya ang kanyang tunay na sarili at kung ano ang mga pagkukulang niya, pero nagagawa pa rin niyang ipahayag ang sarili niyang mga kabutihan. Hindi ba’t pagmamatigas ito? Hindi ba’t kayabangan ito? Bukod doon, ang pagproklama niya sa kanyang sarili bilang isang malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal na tao ay ganap na alang-alang sa pag-iwan ng magandang reputasyon at pagdadala ng karangalan sa kanyang pamilya. Hindi ba’t ang gayong mga kaisipan at hangarin ay kalokohan at masama? Pinupuri siya ng mga tao at nakakakuha ng magandang reputasyon, pero sa loob-loob ay patuloy niyang itinatago ang kanyang mga layunin, iniisip, at mga kahiya-hiyang bagay na nagawa niya, at wala siyang pinagsasabihan tungkol sa mga ito. Natatakot siya na kapag nahalata siya ng mga tao, pupunahin, huhusgahan, at tatanggihan siya ng mga ito. Anong disposisyon ito? Hindi ba’t mapanlinlang ito? (Oo.) Kaya, gaano man kawasto at kakagalang-galang ang kanyang panlabas na pag-uugali, o gaano man karangal ang kanyang wastong asal, talaga ngang umiiral ang kanyang tiwaling disposisyon, kaya lang, hindi ito maunawaan o malaman ng mga walang pananampalatayang kailanman ay hindi nakarinig sa mga salita ng Diyos at hindi nakauunawa sa katotohanan. Maaaring malinlang niya ang mga walang pananampalataya, ngunit hindi niya kayang linlangin ang mga nananalig sa Diyos at nakauunawa sa katotohanan. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Ito ay dahil napasailalim na siya sa katiwalian ni Satanas, at siya ay may tiwaling disposisyon at tiwaling diwa. Isa itong katunayan. Gaano man kapuri-puri ang kanyang wastong asal, o gaano man kataas ang pamantayang naaabot niya, hindi maikakaila at hindi mababago ang katunayang siya ay may tiwaling disposisyon. Sa sandaling maunawaan ng mga tao ang katotohanan, malalaman na ng mga ito kung ano talaga siya. Gayunpaman, sinasamantala ni Satanas ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal para ilihis ang mga tao, at siyempre para gawing mapurol at limitahan ang kanilang mga isipan, kaya’t nagkakamali sila sa pag-aakala na kung matutugunan nila ang mga hinihingi at pamantayan ng wastong asal, sila ay mabubuting tao at tumatahak sa tamang landas. Pero ang kabaligtaran talaga ang totoo. Kahit pa magpakita ng ilang mabubuting pag-uugali ang ilang tao, na naaayon sa mga kasabihan sa wastong asal, hindi pa nila natahak ang tamang landas sa buhay. Sa halip, natahak nila ang maling landas at namumuhay sila sa kasalanan. Natahak nila ang landas ng pagpapaimbabaw, at nahulog sila sa patibong ni Satanas. Ito ay dahil ang mga tiwaling disposisyon at tiwaling diwa ng mga tao ay hindi mababago kahit kaunti dahil lamang sa pagkakaroon nila ng kaunting mabuting wastong asal. Ang panlabas na wastong asal ay palamuti lamang, ito ay palabas lamang, at ang kanilang tunay na kalikasan at tunay na disposisyon ay mabubunyag pa rin. Naglalayon si Satanas na higpitan at kontrolin ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang pag-uugali at panlabas na anyo, na siyang nagtutulak sa mga tao na magbalatkayo at magpanggap na mabait sa pamamagitan ng mabuting pag-uugali, habang ginagamit ang mabuting pag-uugali ng mga tao para itago ang katunayang ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at siyempre, para itago rin ang katunayang may mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Sa isang banda, ang pakay ni Satanas, ay ipasailalim ang mga tao sa kontrol ng mga kasabihang ito ng wastong asal, upang itulak silang gumawa ng mas maraming mabubuting gawa at mas kaunting masasamang gawa, at lalong hindi gumawa ng mga bagay na salungat sa naghahari-harian. Ito ay higit na kapaki-pakinabang sa kapamahalaan at pagkontrol ng mga naghahari-harian. Sa kabilang banda naman, matapos tanggapin ng mga tao ang mga kasabihang ito ng wastong asal bilang teoretikal na batayan ng kanilang asal at mga kilos, may tendensiya silang ilayo ang kanilang sarili sa katotohanan at mga positibong bagay at labanan ang mga ito. Siyempre, pagdating sa mga salitang binigkas ng Diyos, at sa mga positibong bagay o katotohanan na itinuturo ng Diyos sa mga tao, nagiging mahirap para sa kanila na maunawaan o maarok ang mga ito, o maaaring nagkakaroon sila ng lahat ng uri ng pagtutol at mga kuru-kuro. Sa sandaling taglayin ng mga tao ang mga ideyang ito sa wastong asal, nagiging mas mahirap para sa kanila na tanggapin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, at siyempre, nagiging mas mahirap din para sa kanila na maunawaan ang mga tiwaling disposisyon at baguhin ang mga ito. Samakatuwid, ang lahat ng iba’t ibang kasabihan at ideya tungkol sa wastong asal ay lubos na nakahadlang sa pagtanggap at pag-unawa ng mga tao sa mga salita ng Diyos, at siyempre nakaapekto rin ang mga ito sa lawak ng pagtanggap ng mga tao sa katotohanan. Ginagamit ni Satanas ang pamamaraan ng pagdodoktrina sa mga tao ng mga kasabihan sa wastong asal upang makaisip sila ng lahat ng uri ng mali at negatibong mga ideya at pananaw, upang tingnan nila ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos batay sa mga ideya at pananaw na ito. Kapag pinanghahawakan ng mga tao ang mga ideya sa likod ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal bilang teoretikal na batayan at pamantayan para sa pagtingin nila sa mga tao at bagay, at sa kanilang pag-asal at pagkilos, hindi lamang maaaring maibsan o mabago ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ngunit sa kabaligtaran, ay lalong titindi, at mas lalala pa ang kanilang paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Kaya, kapag inililigtas ng Diyos ang mga tao, kapag ipinagkaloob sa kanila ang mga salita ng Diyos, ang pinakamalaking hadlang ay hindi ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, kundi ang iba’t ibang satanikong pilosopiya, kasabihan tungkol sa wastong asal, at ang iba’t ibang satanikong ideya at pananaw na nagmumula kay Satanas. Ito ay bunga ng katiwalian ni Satanas sa sangkatauhan, at ito rin ang negatibong epekto ng iba’t ibang kasabihan ng wastong asal sa tiwaling mga tao. Ito ang tunay na pakay na gustong makamit ni Satanas sa pamamagitan ng pangangaral at pagsusulong ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal.

Sa huli nating pagtitipon, pangunahin tayong nagbahaginan tungkol sa tatlong kasabihan sa wastong asal, na tulad ng “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” at “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan.” Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa.” Ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay lumitaw rin sa sangkatauhan, na nagmula sa mga ideya at pananaw ng mga tiwaling tao. Mangyari pa, ito ay mas tiyak na mula sa katiwalian at panlilihis ni Satanas sa sangkatauhan. Ito ay may parehong epekto at kalikasan sa mga kasabihan tungkol sa wastong asal na pinagbahaginan natin kamakailan, bagamat iba ang pamamaraan nito. Ang mga ito ay parehong mapangahas at engrande na mga pahayag, napakataimtim, maalab, at magiting. Kung hindi pa narinig ng mga tao ang mga salita ng Diyos at hindi pa naunawaan ang katotohanan, mararamdaman nila na lubhang nakaaantig ang mga pahayag na ito at nakapapanabik. Matapos marinig ang mga salitang ito, agad lalakas ang kanilang loob at ikukuyom nila ang kanilang mga kamao. Hindi na sila mapapakali o makapagpipigil ng pananabik sa loob-loob nila, at mararamdaman nila na ito ang kabuluhan ng kulturang Tsino at espiritu ng mga dragon. Ganito pa rin ba ang nararamdaman ninyo ngayon? (Hindi.) Ano ang nararamdaman ninyo ngayong naririnig ninyo ang mga salitang ito? (Ngayon ay nararamdaman ko na ang mga salitang ito ay hindi mabuti o positibo.) Bakit iba na ang pakiramdam ninyo ngayon kumpara sa dati? Dahil ba kapag tumanda na ang mga tao at dumanas ng labis na pagdurusa, nawawala na ang kanilang kabataan at kasiglahan? O dahil ba sa sandaling maunawaan ng mga tao ang ilang katotohanan, nakikilatis na nila na ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay masyadong walang kabuluhan, hindi makatotohanan, at walang silbi? (Higit sa lahat, ito ay dahil na ang mga kasabihang ito ay hindi naaayon sa katotohanan at hindi praktikal.) Sadya ngang ang mga kasabihang ito sa wastong asal ay masyadong walang kabuluhan at hindi makatotohanan. Kaya, suriin at himay-himayin naman natin kung ano ang mali sa kasabihan sa wastong asal na “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa,” habang isinasaalang-alang ang mga prinsipyong pinagbahaginan natin kamakailan, upang partikular na mailantad ang kahangalan ng kasabihang ito at ang mga tusong pakana ni Satanas na nakatago rito. Alam ba ninyo kung paano himay-himayin ito? Sabihin sa Akin kung ano ang mismong kahulugan ng pangungusap na ito. (Ito ang tatlong pamantayan na iminungkahi ni Mencius para maging isang lalaking-lalaki, matipunong lalaki. Ang modernong interpretasyon ay: Ang kaluwalhatian at kayamanan ay hindi makakagulo sa kapasyahan, kahirapan at ang mabababang kalagayan ay hindi makapagpapabago sa matibay na kalooban ng isang tao, at ang banta ng kapangyarihan at karahasan ay hindi mauudyukan ang isang tao na magpasakop.) Ang kasabihan sa wastong asal na binanggit natin dati—“Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal”—ay nakatutok sa mga babae, ngunit ang isang ito ay halatang nakatutok sa mga lalaki. Ito man ay isang buhay ng kaluwalhatian at kayamanan, o mahihirap na kalagayan, o ang maharap sa kapangyarihan at karahasan, ang mga hinihingi ay ipinapataw sa mga lalaki sa lahat ng uri ng kapaligiran. Gaano karami ang hinihingi sa mga lalaki, sa kabuuan? Ang mga lalaki ay kinakailangang magkaroon ng matibay na kalooban, matatag na pagpapasya, at hindi sumusuko sa harap ng kapangyarihan at karahasan. Isipin kung isinasaalang-alang ng mga hinihinging ito ang normal na sangkatauhan, at kung isinasaalang-alang ng mga ito ang mga kapaligiran kung saan namumuhay ang mga tao sa tunay na buhay. Sa madaling salita, isipin kung ang mga hinihinging ito sa mga lalaki ay walang kabuluhan at hindi makatotohanan. Ang mga hinihingi ng tradisyonal na kultura sa wastong asal ng kababaihan ay ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal; ang ibig sabihin ng “malinis” ay pagtataglay ng mga kabutihan na pambabae, ang “mabait” ay nangangahulugan ng kabutihan ng puso, ang ibig sabihin ng “malumanay” ay pagiging isang mahinhing babae, at ang ibig sabihin ng “mabuti ang asal” ay pagiging isang moral na tao at pagkakaroon ng magandang wastong asal. Masyadong katamtaman lang ang bawat isa sa mga hinihinging ito. Ang mga lalaki ay hindi kailangang maging malinis, mabait, malumanay, o mabuti ang asal, samantalang ang mga babae ay hindi kailangang magkaroon ng matibay na kapasyahan at matatag na pagpapasya, at maaari silang sumuko sa tuwing nahaharap sila sa kapangyarihan at karahasan. Ibig sabihin, ang hinihinging ito tungkol sa wastong asal na, “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa,” ay nagbibigay ng luwag sa kababaihan, lalo na’t mapagparaya at may pagsasaalang-alang ito sa kanila. Ano ang kahulugan ng pagpaparaya at pagsasaalang-alang na ito? Maaari bang maintindihan ang mga ito sa magkaibang paraan? (Ang mga ito ay isang uri ng diskriminasyon.) Ganoon din ang tingin Ko. Ang totoo, ito ay diskriminasyon laban sa kababaihan, ang paniniwala na ang kababaihan ay walang matibay na paghahangad, na sila ay duwag, mga sobrang mahiyain, at na sapat na ang asahan silang magkaanak, mag-asikaso ng kanilang mga asawa at magpalaki ng kanilang mga anak, mag-asikaso sa gawaing bahay, at huwag makipag-away sa iba o makipagtsismisan. Imposibleng hingin sa kanila na bumuo ng isang propesyon at magkaroon ng isang matibay na kalooban—hindi nila kaya iyon. Kaya, kung titingnan mula sa ibang perspektiba, ang mga hinihinging ito sa kababaihan ay talagang mapangdiskrimina at mapanghamak. Ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal, “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa,” ay nakatutok sa mga lalaki. Hinihingi nito na ang mga lalaki ay magkaroon ng matibay na mga layunin at hindi mapipigilang pagpapasya, pati na ng isang espiritu na lalaking-lalaki at malakas na hindi sumusuko sa kapangyarihan at karahasan. Tama ba ang hinihinging ito? Makatwiran ba ito? Ang mga hinihinging ito sa mga lalaki ay nagpapakita na ang taong nagmungkahi ng kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay mataas ang tingin sa mga lalaki, dahil ang kanyang mga hinihingi sa mga lalaki ay mas mataas kaysa sa mga hinihingi sa mga kababaihan. Maaari itong maunawaan na nangangahulugang, batay sa parehong diwa ng kanilang kasarian, at ng kanilang katayuan sa lipunan at mga likas na gawi ng lalaki, ang mga lalaki ay dapat na nakatataas sa mga babae. Ang kasabihang ito sa wastong asal ay nabuo ba mula sa pananaw na ito? (Oo.) Malinaw na ito ang bunga ng isang lipunan na kung saan ang mga lalaki at babae ay hindi pantay. Sa lipunang ito, ang mga lalaki ay patuloy na dinidiskrimina at minamaliit ang mga kababaihan, nililimitahan ang mga oportunidad sa buhay ng mga kababaihan, binabalewala ang halaga ng pag-iral ng mga kababaihan, palaging pinapalabis ang kanilang sariling halaga, pinahuhusay ang kanilang sariling katayuan sa lipunan, at hinahayaan ang kanilang sariling mga karapatan na mangibabaw sa kababaihan. Ano ang mga epekto at bunga nito sa lipunan? Ang lipunang ito ay pinamumunuan at pinangingibabawan ng mga lalaki. Ito ay isang patriyarkal na lipunan, kung saan ang kababaihan ay dapat na nasa ilalim ng pamumuno, panunupil, at kontrol ng kalalakihan. Kasabay nito, maaaring pumasok sa anumang linya ng trabaho ang mga lalaki, samantalang ang saklaw ng mga trabaho na maaaring gawin ng kababaihan ay dapat bawasan at limitahan. Dapat na ganap na tamasahin ng mga lalaki ang lahat ng karapatan sa lipunan, samantalang ang saklaw ng mga karapatang tinatamasa ng kababaihan ay talagang limitado. Ang mga trabahong ayaw o hindi pinipiling gawin ng mga lalaki, o kung saan sila ay madidiskrimina, ay maaaring iwan na lang sa mga babae. Halimbawa, ang paglalaba, pagluluto, mga industriya ng pagseserbisyo, at ilang trabaho na medyo may mababang kita at mababang katayuan sa lipunan o dinidiskrimina ng mga tao, ay nakalaan para sa kababaihan. Sa madaling salita, maaaring tamasahin ng mga lalaki ang kanilang mga karapatan bilang lalaki, pagdating sa pagpili ng trabaho at sa katayuan sa lipunan, at tamasahin ang mga espesyal na karapatan na ipinagkakaloob ng lipunan sa mga lalaki. Sa gayong lipunan, ang mga lalaki ang mas mahalaga samantalang ang mga babae ay nasa mas mababang uri, maging sa puntong wala na silang pagkakataong magpasya, o karapatang pumili. Maaari lamang silang pasibong maghintay na mapili, at sa huli ay itinitiwalag at itinatapon sila ng lipunang ito. Samakatuwid, ang mga hinihingi ng lipunang ito sa kababaihan ay katamtaman kung ikukumpara sa mahihigpit at malulupit na hinihingi sa mga lalaki. Gayunpaman, nakatutok man ang mga ito sa mga lalaki o babae, ang motibo at pakay sa pagmumungkahi ng mga hinihinging ito sa wastong asal ay upang mas mahusay na mapaglingkuran ng mga tao ang lipunan, bayan, bansa, at siyempre, sa huli, ay mapaglingkuran ang naghahari-harian at ang mga pinuno. Madali itong makita mula sa kasabihang ito na “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa” na ang taong nagmungkahi ng hinihinging ito sa wastong asal ay may pagkiling laban sa mga lalaki. Sa mga mata ng taong iyon, dapat magkaroon ang mga lalaki ng matibay na kalooban, isang matatag na pagpapasya, at isang espiritu na hindi sumusuko sa kapangyarihan at karahasan. Mula sa mga hinihinging ito, nakikita ba ninyo kung ano ang pakay ng taong nagmungkahi ng kasabihang ito? Ito ay upang gawing mas mahusay na makapaglingkod sa lipunan, sa bayan, at sa bansa ang mga kapaki-pakinabang at matitibay ang loob na mga lalaki sa lipunang ito, at sa huli ay mas mahusay nilang mapagsilbihan ang mga nasa kapangyarihan, at mapakinabangan ang mga kahusayan at kakayahan ng mga kalalakihan sa lipunang ito. Ang ganitong mga lalaki lamang ang matatawag na lalaking-lalaki at matipunong lalaki. Kung hindi matugunan ng mga lalaki ang mga hinihinging ito, kung gayon, sa mga mata ng mga moralista at pinunong ito, hindi sila matatawag na lalaking-lalaki at matipunong lalaki, kundi matatawag lamang sila na mga karaniwang tao at mga itinakwil at sila ay dinidiskrimina. Ibig sabihin, kung ang isang lalaki ay walang matibay na kapasyahan matatag na pagpapasya, at isang espiritu na hindi sumusuko sa kapangyarihan at karahasan na gaya ng hinihingi nila, kundi ay isa lang siyang ordinaryong tao na walang mga natamo, at kaya lamang mamuhay ng kanyang sariling buhay, at hindi makapag-ambag ng kanyang halaga sa lipunan, sa bayan, at sa bansa, at hindi maaaring italaga sa ilang mahalagang posisyon ng mga pinuno, ng bansa o bayan, kung gayon, hindi tatanggapin at pahahalagahan ng lipunan ang gayong tao, ni hindi siya pahahalagahan ng mga nasa kapangyarihan, at ituturing siya ng mga pinuno o mga moralistang ito bilang isang karaniwang tao, isang itinakwil, at isang mababang-uri ng tao. Hindi ba’t ganito nga? (Oo.) Sumasang-ayon ba kayo sa kasabihang ito? Angkop ba ang kasabihang ito? Makatarungan ba ito sa mga lalaki? (Hindi ito makatarungan.) Dapat bang asamin ng mga lalaki ang buong mundo, ang bansa, at ang mga dakilang gawain para sa bansa? Hindi ba sila maaaring maging ordinaryong tao at masunuring lalaki lamang? Hindi ba sila maaaring umiyak, masawi sa pag-ibig, magkimkim ng mga makasariling motibo sa maliliit na paraan, o mamuhay ng simpleng buhay sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay? Dapat bang asamin nila ang mundo para masabing sila ay lalaking-lalaki at matipunong lalaki? Dapat ba silang tawaging lalaking-lalaki at matipunong lalaki para talagang maituring na lalaki? Ang depinisyon ba ng isang lalaki ay dapat na ikaw ay lalaking-lalaki at matipunong lalaki? (Hindi.) Ang mga ideyang ito ay isang insulto sa mga lalaki, katumbas ang mga ito ng isang personal na pag-atake sa mga lalaki. Mayroon ba sa inyo ang ganito rin ang nadarama? (Oo.) Ayos lang ba na hindi magkaroon ng matibay na kalooban ang mga lalaki? Ayos lang ba na hindi matatag ang pagpapasya ng mga lalaki? Kapag nilalabanan ng mga lalaki ang kapangyarihan at karahasan, ayos lang ba na sumuko at humingi sila ng kompromiso para mabuhay? (Oo, ayos lang ito.) Ayos lang din ba na hindi magkaroon ang mga lalaki ng anumang bagay na wala ang mga babae? Ayos lang ba na magpahinga ang mga lalaki sa pamamagitan ng hindi pagiging lalaking-lalaki at matipunong lalaki, at sa halip ay maging ordinaryong lalaki lang? (Oo, ayos lang.) Sa ganoong paraan, magiging malaya ang mga tao, lalawak ang landas sa pagiging isang lalaki, at hindi na masyadong mapapagod sa buhay ang mga lalaki, bagkus ay makapamumuhay na sila nang normal.

Mayroon pa ring ilang bansa kung saan ang mga lalaki ay kinukulong pa rin sa mga ideya ng tradisyonal na kultura tulad ng “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa”. Ang mga bansang ito ay mga patriyarkal na lipunan pa rin kung saan ang mga lalaki ang nasusunod at naghahari, mula sa pamilya hanggang sa lipunan at sa buong bansa, at sila ang binibigyang-prayoridad sa lahat ng bagay, at ang namamayani sa bawat sitwasyon, at pakiramdam nila ay nakatataas sila sa lahat ng aspekto. Kasabay nito, ang gayong mga lipunan, bayan, at bansa ay may matataas na hinihingi sa mga lalaki, na naglalagay sa kanila sa malaking kagipitan at nagdudulot ng maraming masamang kahihinatnan. Ang ilang lalaki na nawawalan ng trabaho ay hindi man lang naglalakas-loob na magsabi sa kanilang pamilya. Araw-araw ay binibitbit nila ang kanilang bag at nagkukunwaring papasok sa trabaho, pero ang totoo ay lumalabas sila at naglalakad-lakad lang sa mga lansangan. Minsan, umuuwi sila nang gabing-gabi na at nagsisinungaling pa sa mga kapamilya nila na nagtatrabaho sila sa opisina nang lagpas sa oras. Pagkatapos, sa susunod na araw, nagpapatuloy sila sa pagkukunwari at muling lalabas para maglalakad-lakad sa mga lansangan. Ang mga ideyang ito ng tradisyonal na kultura, gayundin ang mga responsabilidad at posisyon ng mga lalaki sa lipunan, ay nagsasanhi ng kagipitan at maging ng kahihiyan, at binabaluktot din nito ang pagkatao ng mga lalaki, na nagiging sanhi ng pagkabalisa, depresyon, at madalas na halos pagkakalugmok ng maraming lalaki sa tuwing nasasadlak sila sa mga paghihirap. Bakit ganito ang nangyayari? Sapagkat iniisip nila na sila ay mga lalaki, na ang mga lalaki ay dapat kumita ng pera para maitaguyod ang kanilang pamilya, na dapat nilang gampanan ang kanilang mga responsabilidad bilang lalaki, at na hindi dapat umiyak o maging malungkot ang mga lalaki, at na ang mga lalaki ay hindi dapat walang trabaho, kundi dapat na maging haligi ng lipunan, at ang punong suporta ng pamilya. Gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Ang mga lalaki ay hindi madaling mapaluha,” ang isang lalaki ay hindi dapat magkaroon ng mga kahinaan, o ng anumang pagkukulang. Ang mga ideya at pananaw na ito ay dulot ng maling pagkakategorya ng mga moralista sa mga lalaki, gayundin ang patuloy na pagtataas ng mga ito sa katayuan ng mga lalaki. Ang mga ideya at pananaw na ito ay hindi lamang nagsasailalim sa mga lalaki sa lahat ng uri ng gulo, pagkayamot, at dalamhati, ngunit nagiging mga tanikala din ang mga ito sa loob ng kanilang isipan, na nagiging dahilan para lalong maging mahirap ang kanilang posisyon, sitwasyon at mga pakikipagharap sa lipunan. Habang tumitindi ang panggigipit sa mga lalaki, tumitindi rin ang mga negatibong epekto ng mga ideya at pananaw na ito sa mga lalaki. Ang ilang lalaki ay ikinakategorya pa nga ang kanilang sarili bilang mga dakilang tao dahil sa maling interpretasyon sa posisyon ng kasarian ng lalaki sa lipunan, iniisip na ang mga lalaki ay dakilang mga lalaki at ang mga babae ay mabababang babae, at na ang mga lalaki ang dapat na manguna sa lahat ng bagay at maging mga amo sa bahay, at na kapag hindi nagiging maayos ang mga bagay-bagay, maaari silang gumawa ng karahasan sa tahanan laban sa kababaihan. Ang mga problemang ito ay lahat nauugnay sa kung paano maling ikinategorya ng sangkatauhan ang kasarian ng lalaki, hindi ba? (Oo.) Makikita mo na sa karamihan ng mga bansa sa mundo, ang katayuan ng mga lalaki sa lipunan ay mas mataas kaysa sa kababaihan, lalo na sa pamilya. Walang kailangang gawin ang mga lalaki kundi ang magtrabaho at kumita ng pera, samantalang ginagawa ng mga babae ang lahat ng gawaing bahay, at hindi sila pwedeng makipagtalo o magreklamo, o mangahas na sabihin sa iba ang tungkol dito, gaano man ito kahirap o nakakapagod. Gaano kababa ang katayuan ng kababaihan? Halimbawa, ang mga lalaki ang unang nakakapili sa pinakamasarap na pagkain sa hapag-kainan, samantalang pangalawa lang ang mga babae, at sa mga booklet ng pagpaparehistro ng sambahayan, ang lalaki ay itinakda bilang pinuno ng pamamahay, at ang babae bilang isang miyembro ng pamilya. Kahit sa maliliit na bagay na ito, makikita natin ang pagkakaiba sa katayuan ng lalaki at babae. Ang hatian sa trabaho ng mga lalaki at babae ay magkaiba dahil sa mga kaibahan sa kasarian, ngunit hindi ba’t hindi makatarungan na masyadong malaki ang pagkakaiba ng katayuan ng lalaki at babae sa pamilya? Hindi ba’t sanhi ito ng edukasyon sa tradisyonal na kultura? Sa lipunan, maliban sa iniisip ng kababaihan na ang mga lalaki ay higit na kilala at marangal, maging ang mga lalaki ay nag-iisip na sila ay marangal at may mataas na ranggo kumpara sa kababaihan, dahil ang mga lalaki ay mas makabuluhan ang maiaambag at mas mapapakinabangan ng lipunan, bayan, at bansa ang kanilang mga kakayahan, samantalang ang mga babae ay hindi iyon magagawa. Hindi ba’t binabaluktot nito ang mga katunayan? Paano nangyari ang gayong pagbabaluktot sa mga katunayan? Direkta ba itong nauugnay sa turo at sa impluwensya ng edukasyon ng lipunan at tradisyonal na kultura? (Oo.) Ito ay direktang nauugnay sa edukasyon ng tradisyonal na kultura. Sa sangkatauhan, sa totoong lipunan man, o sa isang bayan o bansa, anuman ang mga lumilitaw na di-pangkaraniwang problema, ang lahat ng ito ay sanhi ng ilang maling ideya na isinusulong ng ilang sosyologo o pinuno, at direktang nauugnay sa mga maling ideya na isinusulong ng mga lider ng isang lipunan, bayan, o bansa. Kung ang mga ideya at pananaw na isinusulong nila ay mas positibo, at malapit sa katotohanan, magiging mas kaunti ang problema sa sangkatauhan; kung ang mga ideyang isinusulong nila ay baluktot at mali ang pagkakatawan sa pagkatao, maraming di-pangkaraniwang bagay ang mangyayari sa loob ng lipunan, sa loob ng isang etnikong pangkat, o sa loob ng isang bansa. Kung isusulong ng mga sosyologo ang mga karapatan ng mga lalaki, itataas ang halaga ng mga lalaki, at mamaliitin ang halaga at dignidad ng kababaihan, kung gayon, sa lipunang ito, malinaw na magkakaroon ng malaking pagkakaiba sa katayuan sa lipunan sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan, kalakip na ang iba’t ibang hindi pagkakapantay-pantay tulad ng hindi pagkakapantay-pantay ng trabaho, katayuan sa lipunan, at kapakanang panlipunan, pati na ang malaking pagkakaiba sa katayuan ng mga kasarian sa pamilya at ang lubos na magkakaibang pagkakahati ng trabaho—kung saan lahat ay hindi pangkaraniwan. Ang paglitaw ng mga di-pangkaraniwang problemang ito ay nauugnay sa mga taong nagsusulong ng mga ideya at pananaw na ito, at idinudulot ng mga pulitiko at sosyologong ito. Kung may wastong pananaw at tamang mga kasabihan ang sangkatauhan ukol sa mga bagay na ito mula pa sa simula, relatibong mababawasan ang mga di-pangkaraniwang problemang ito sa iba’t ibang bansa o nayon.

Kaugnay sa pinagbahaginan natin ngayon lang, ano dapat ang tamang pananaw sa pagtrato sa mga lalaki? Anong uri ng mga pag-uugali, pagkatao, mga hangarin, at katayuan sa lipunan ang dapat taglayin ng mga lalaki upang maging normal? Paano dapat harapin ng mga lalaki ang kanilang mga responsabilidad sa lipunan? Bukod sa mga pagkakaiba ng kasarian, dapat bang magkaroon ng mga pagkakaiba sa mga lalaki at babae pagdating sa responsabilidad at katayuan sa lipunan? (Wala dapat.) Kaya paano dapat tratuhin ang mga lalaki sa paraan na tama, obhetibo, makatao, at naaayon sa mga katotohanang prinsipyo? Ito mismo ang dapat nating maunawaan ngayon. Pag-usapan natin, kung gayon, kung paano dapat tratuhin ang mga lalaki. Dapat bang pag-ibahin ang mga responsabilidad sa lipunan ng kalalakihan at kababaihan? Dapat bang magkaroon ng pantay na katayuan sa lipunan ang mga lalaki at babae? Makatarungan ba na masyadong itaas ang katayuan ng mga lalaki at maliitin ang kababaihan? (Hindi, hindi ito makatarungan.) Kaya, paano nga ba dapat pangasiwaan ang katayuan sa lipunan ng kalalakihan at kababaihan sa paraang patas at makatwiran? Ano ang prinsipyo para dito? (Na ang mga lalaki at babae ay pantay at dapat tratuhin nang patas.) Ang patas na pagtrato ay ang teoretikal na basehan, ngunit paano ito dapat isagawa sa paraang nagpapakita ng pagiging patas at makatwiran? Hindi ba’t may kinalaman ito sa mga praktikal na problema? Una sa lahat, dapat nating matukoy na ang katayuan ng kalalakihan at kababaihan ay pantay—hindi ito mapag-aalinlanganan. Samakatuwid, ang hatian sa trabaho sa lipunan ng kalalakihan at kababaihan ay dapat ding maging pantay, at dapat isaalang-alang at isaayos ayon sa kanilang kakayahan at abilidad na gawin ang trabaho. Dapat magkaroon ng pagkakapantay-pantay lalo na pagdating sa karapatang pantao, kung saan dapat natatamasa din ng mga babae ang natatamasa ng mga lalaki, upang matiyak ang pantay na katayuan ng mga kalalakihan at kababaihan sa lipunan. Ang sinumang kayang gumawa sa trabaho, o sinumang may kakayahang maging lider ay dapat tulutang gawin ito, lalaki o babae man siya. Ano ang palagay mo sa prinsipyong ito? (Mabuti ito.) Sinasalamin nito ang pagkakapantay-pantay ng kalalakihan at kababaihan. Halimbawa, kung mayroong dalawang lalaki at dalawang babae na nag-a-apply para sa trabaho bilang isang bombero, sino ang dapat makuha? Ang patas na pagtrato ay ang teoretikal na batayan at ang prinsipyo. Paano nga ba dapat harapin ng isang tao ang ganitong sitwasyon? Gaya ng kasasabi Ko ngayon lang, hayaan na gawin ito ng sinuman na kaya ang trabaho, ayon sa kanyang abilidad at kakayahan. Pumili ayon sa prinsipyong ito, sa pamamagitan ng pagsusuri kung sino sa mga kandidatong ito ang may maayos na pangangatawan at hindi malamya. Ang mahalaga sa pag-aapula ng apoy ay ang mabilis na pagkilos sa panahon ng kagipitan. Kung masyado kang malamya, mabagal mag-isip, at matamlay, tulad ng isang pagong o ng isang matandang baka, maaantala mo ang mga bagay-bagay. Matapos matiyak ang mga katangian ng bawat kandidato, batay sa kanilang kakayahan, abilidad, karanasan, antas ng kakayahan sa pag-aapula ng apoy, at iba pa, ang naging kongklusyon ay talagang angkop ang isang lalaki at isang babae: Ang lalaki ay matangkad, malakas ang katawan, may karanasan sa pag-apula ng apoy, at lumahok siya sa ilang operasyon sa pag-apula ng sunog at pagsagip; ang babae ay maliksi, sumailalim sa mahigpit na pagsasanay, maalam siya tungkol sa pag-apula ng apoy at mga kaugnay na pamamaraan sa trabaho, may kakayahan siya, at naging kilala siya sa ibang trabaho at nakatanggap ng mga parangal. Kaya, sa huli, pareho silang napili. Tama ba iyon? (Oo.) Ito ay tinatawag na pagpili sa pinakamahusay sa lahat, nang hindi pinapaboran ang sinuman. Nangangahulugan ito na kapag pumipili ng ganitong uri ng tao, ang hindi isipin na dapat siyang maging isang lalaki o babae—ang mga lalaki at babae ay pare-pareho lahat, at kung sino ang kayang gumawa sa trabaho ay ayos na. Samakatuwid, kapag nagpapasya kung pipili ba ng isang lalaki o isang babae sa paggawa ng anuman, bukod sa pangunahing prinsipyo ng patas na pagtrato, ang partikular na prinsipyo na dapat isagawa ay ang ipagawa ito sa sinumang may abilidad at kakayahan sa trabaho, siya man ay lalaki o babae. Sa paggawa nito, hindi ka na napipigilan o naigagapos ng ideya na “Ang mga lalaki ay nakatataas sa mga babae,” at walang mga lumang ideya na makakaapekto sa iyong paghusga o pagpapasya sa bagay na ito. Sa iyong pananaw, ang sinuman na kayang gawin ang trabaho ay dapat pahintulutang gawin ito, siya man ay lalaki o babae—hindi ba’t pagiging patas iyon? Unang-una sa lahat, kapag pinangangasiwaan ang isang bagay, wala kang pagkiling laban sa mga lalaki o babae. Naniniwala ka na maraming namumukod-tangi at mahuhusay na babae, at marami kang kilalang gayong mga tao. Kaya, nakukumbinsi ka ng iyong kabatiran na ang abilidad ng kababaihan na magtrabaho ay hindi mas mababa sa abilidad ng mga lalaki, at na ang halaga ng iniaambag ng kababaihan sa lipunan ay hindi mas mababa kaysa sa mga lalaki. Sa sandaling magkaroon ka ng ganitong kabatiran at pagkaunawa, gagawa ka ng mga tumpak na paghatol at pagpapasya batay sa katunayang ito sa tuwing kikilos ka sa hinaharap. Sa madaling salita, kung hindi mo papaboran ang sinuman, at wala kang anumang pagkiling sa alinmang kasarian, magiging normal ang pagkatao mo sa aspektong ito, at makakakilos ka nang patas. Ang mga pagbabawal ng tradisyonal na kultura, sa paraan na ang mga lalaki ay itinuturing na mas mataas kaysa sa mga babae, ay aalisin, hindi na makukulong ang iyong mga kaisipan, at hindi ka na maiimpluwensyahan ng aspektong ito ng tradisyonal na kultura. Anuman ang mga nananaig na kalakaran ng pag-iisip o mga kaugalian sa lipunan, sa madaling sabi ay malalampasan mo na ang mga kaugaliang ito, at hindi ka na makukulong at maiimpluwensyahan ng mga ito, at makakaya mo nang harapin ang mga katunayan at ang katotohanan. Ang mas mainam pa roon, siyempre, ay na maaari mong tingnan ang mga tao at mga bagay, umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, na ang resulta ay na ang mga ideya at pananaw tulad ng “ang mga lalaki ay dapat maging tunay na lalaki at malakas, samantalang ang mga babae ay mahiyain” ay hindi umiiral kung ikaw ang tatanungin. Kaya, progresibo ba ang iyong mga kaisipan at pananaw kung ikukumpara sa mga tao? (Oo.) Kung ikukumpara, ito ay isang pag-usad. Lalaki man o babae, matanda o bata, lahat ay maaaring makatanggap ng patas na pagtrato kapag lumapit sila sa iyo. Kung ito ay isasagawa, makabubuti ito sa mga tao sa halip na makakasama. Kung kumakapit ka pa rin sa mga pananaw ng tradisyonal na kultura, sa pamamagitan ng pagpapahayag na “Mula noong sinaunang panahon, ang mga lalaki ay may mas mataas nang katayuan kaysa sa mga babae, at sa lahat ng antas ng pamumuhay, mas marami ang namumukod-tangi at mahuhusay na lalaki kaysa sa mga babae. Kaya, maaaring igiit na ang mga lalaki ay mas malakas kaysa sa mga babae, at na mas mahalaga ang mga lalaki sa lipunan kaysa sa mga babae. Kung mas malaki ang kanilang halaga sa lipunan, hindi ba’t dapat mas mataas ang kanilang katayuan sa lipunan? Samakatuwid, sa lipunang ito, ang mga lalaki ang dapat masunod at ang mangibabaw, samantalang ang mga babae ay dapat makinig sa mga lalaki, at kontrolin at pamunuan ng mga lalaki”—kung gayon ang ganitong uri ng pag-iisip ay masyadong paurong at mababa, at hindi umaayon sa mga katotohanang prinsipyo kahit kaunti. Kung mayroon ka ngang mga ideya at pananaw na tulad nito, magagawa mo lamang na diskriminahin at supilin ang kababaihan, at makokondena at matitiwalag ka ng mga panlipunang kalakaran. Ang pagkakapantay-pantay ng lalaki at babae ay isang tamang pananaw na kinikilala na sa lahat ng dako, at ganap itong naaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang mga tao ay dapat na tratuhin nang patas, ang mga lalaki ay hindi dapat tinitingala, ang mga babae ay hindi dapat minamaliit, at ang halaga ng kababaihan ay hindi dapat binabalewala, at ang kanilang abilidad at kakayahan sa trabaho ay hindi dapat binabalewala. Ito na ang pangunahing napagkasunduan ng mga may alam na populasyon ng bawat bansa. Kung ang mga nangingibabaw mong ideya ay naiimpluwensyahan pa rin ng tradisyonal na kultura, at iniisip mo pa rin na ang mga lalaki ay kinikilala samantalang ang mga babae ay mababa, kung gayon, sa tuwing kikilos ka, malamang na papaboran ng iyong pananaw at mga pagpapasya ang lalaking kasarian, at bibigyan mo ang mga lalaki ng mas maraming oportunidad. Iisipin mo na kahit pa medyo kulang sa kakayahan ang ilang lalaki, mas malakas pa rin sila kaysa sa mga babae, at na hindi mapapantayan o makakamit ng mga babae ang kayang gawin ng mga lalaki. Kung ganito ka mag-isip, magkakaroon ng pagkiling ang pananaw mo, at kaya malilihis ang iyong paghusga at mga pinal na desisyon dahil sa iyong paraan ng pag-iisip. Halimbawa, tungkol sa pagpili ng mga bombero na kakabanggit lang natin, nagiging palaisipan ito sa iyo, napapaisip ka “Kaya ba ng mga babae na umakyat ng hagdan? Gaano karaming lakas ang kayang igugol ng mga babae? Ano ang silbi ng liksi sa isang babae? Kahit pa dumaan siya sa mahigpit na pagsasanay, wala naman itong silbi.” Ngunit pagkatapos ay naiisip mo ang tungkol sa pagtrato sa mga tao nang patas, kaya’t sa wakas ay pumili ka ng dalawang lalaki at isang babae. Ang totoo, sa pagpili ng isang babae sa sitwasyong ito, iniraraos mo lang ang proseso at nagpapakitang-tao ka para palubagin ang loob ng babae at hindi masaktan ang kanyang damdamin. Kumusta ang ganitong paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay? Hindi ka lang pumipili ng mga tao sa ganitong paraan, kundi kapag nagtatalaga ka ng trabaho, pinanghahawakan mo rin ang isang pananaw na nangmamaliit sa babae, nagtatalaga ka pa nga sa kanya ng maliliit at magagaan na gawain. Iniisip mo pa rin na mayroon kang magandang pakikitungo at inaalagaan mo ang babae sa pamamagitan ng espesyal na pagtrato at pagpoprotekta sa kanya. Ang totoo, mula sa pananaw ng babae, lubha mong nasaktan ang kanyang pagpapahalaga sa sarili. Paano mo ito nasaktan? Dahil iniisip mo na ang mga babae ay mahihina at walang kalaban-laban, na ang mga babae ay mahiyain at ang mga lalaki ay tunay na lalaki, kaya dapat lang na protektahan ang mga babae. Paano nabuo ang mga ideyang ito? Dahil ba ito sa impluwensya ng tradisyonal na kultura? (Oo.) Naririto ang pinakadahilan. Anuman ang sabihin mo tungkol sa pagtrato sa mga tao nang patas, kung titingnan ito mula sa mga kilos mo, hindi maikakaila na nakagapos at nakakulong ka pa rin sa ideyang ito ng tradisyonal na kultura na “Ang mga lalaki ay nakatataas sa mga babae.” Malinaw na makikita mula sa mga kilos mo na hindi pa naalis sa iyo ang ideyang ito. Tama ba? (Oo.) Kung nais mong makalaya sa mga gapos na ito, dapat mong hanapin ang katotohanan, ganap na unawain ang diwa ng mga ideyang ito, at huwag kumilos sa ilalim ng impluwensya o kontrol ng mga ideyang ito ng tradisyonal na kultura. Dapat mong tuluyang abandonahin ang mga ito at maghimagsik ka laban sa mga ito, at huwag nang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos alinsunod sa mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura, o gumawa ng anumang panghuhusga at pagpapasya batay sa tradisyonal na kultura; sa halip, tingnan ang mga tao at bagay, umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Sa ganitong paraan, tatahak ka sa tamang landas, at magiging isang tunay na nilikha na sinang-ayunan ng Diyos. Kung hindi, makokontrol ka pa rin ni Satanas, at patuloy kang mamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at hindi mo magagawang mamuhay sa mga salita ng Diyos: Ito ang mga katunayan ng usapin.

Ngayon naiintindihan na ba ninyo ang diwa ng kasabihang ito tungkol sa wastong asal, “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa”? At naiintindihan na rin ba ninyo ang kontekstong panlipunan kung saan itinaguyod ang kasabihang ito? (Oo.) Upang mapabuti ang katayuan sa lipunan ng mga lalaki at mabigyan sila ng higit na mga karapatan, kinakailangang taasan ang mga hinihingi sa mga lalaki, itatag ang imahe ng mga lalaki sa isipan ng mga tao, at hubugin ang imaheng iyon tungo sa pagiging isang tunay at malakas na lalaki. Ito ang imaheng ipinapahiwatig ng kasabihang “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa” na sinasabi ng mga tao. Ang isang aspekto na sinasabi sa mga tao ng mga moralistang nagtataguyod ng kasabihang ito ng wastong asal, ay na ang mga namumuhay ayon sa kasabihang ito ay mga tunay na lalaki, na ibig sabihin ay sinasabi nila sa mga tao ang kahulugan ng isang lalaki; ang isa pang aspekto ay na isinusulong nila na ang mga lalaki ay dapat magpahayag ng kanilang mga paninindigan sa lipunan, magpakita ng pagiging hindi pangkaraniwan, magkaroon ng matatag na katatayuan sa lipunan, at impluwensyahan ang kalakaran sa lipunan. Ang kaisipang ito na “Ang mga lalaki ay nakatataas sa mga babae” ay nananatili hanggang ngayon. Kahit may pag-unlad na sa usaping ito ang ilang bansa o etnisidad, ang gayong pag-iisip ay nananaig pa rin sa maraming ibang bansa at bayan, kung saan kinokontrol at pinangingibabawan pa rin nito ang mga pambansa at panlipunang kalakaran, at pinangingibabawan ang pagkakahati ng trabaho sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan sa lipunan, gayundin ang kanilang katayuan at halaga sa lipunan, at kahit hanggang ngayon ay wala pang gaanong nagbago. Ibig sabihin, sa maraming bansa at bayan, dinidiskrimina pa rin at ibinubukod ang kababaihan. Sobrang nakakalungkot ang sitwasyong ito, at ito ang pinakamalaking kawalan ng pagkakapantay-pantay sa mundo. Ang katunayan ng kung dinidiskrimina ba at ibinubukod ang kababaihan o hindi, o sa halip ay kapantay sila ng kalalakihan, ay isang malinaw na marka para masukat kung ang isang bansa o bayan ay progresibo o paurong.

Ngayon lang ay nagbahaginan tayo tungkol sa kung paano dapat ituring ang mga lalaki at babae na nilikha ng Diyos, at kung anong mga tamang pananaw ang dapat mayroon ang isang tao tungkol sa kanila. Ang mga lalaki at babae ay parehong may normal na pagkatao at nagtataglay ng normal na konsensiya at katwiran ng tao—ang mga bagay na ito ay kapwa tinataglay ng mga lalaki at babae. Maliban sa mga pagkakaiba sa kasarian, sa diwa ay magkapantay ang mga lalaki at babae kung ang pag-uusapan ay ang kanilang pag-iisip, likas na gawi, ang kanilang pagtugon sa iba’t ibang bagay, ang kanilang kakayahan at abilidad, at iba pang uri ng aspekto. Hindi masasabing eksaktong magkapareho sila, pero sa diwa, halos magkapareho sila. Parehong-pareho ang kanilang mga gawi sa buhay at mga tuntunin sa pamumuhay, gayundin ang kanilang mga ideya, pananaw at saloobin sa lipunan, mga kalakaran sa mundo, mga tao, pangyayari, bagay, at lahat ng nilikha ng Diyos, pati na ang kanilang mga tugon sa ilang partikular na bagay, kabilang na ang kanilang pisikal at mental na mga tugon. Bakit parehong-pareho ang mga bagay na ito? Dahil ang kapwa lalaki at babae ay nilikha ng nag-iisang Lumikha, at ang hininga ng kanilang buhay, ang kanilang malayang kalooban, pati na ang lahat ng iba’t ibang aktibidad na maaari nilang gawin, ang kanilang mga nakagawian sa buhay at iba pa, ay lahat nagmumula sa Lumikha. Kung iisipin ang mga penomenang ito, walang pagkakaiba ang mga lalaki at babae maliban sa kaibahan sa kasarian, at gayundin sa ilang iba’t ibang bagay o mga propesyonal na kasanayan kung saan sila mahusay. Halimbawa, maraming trabaho na kayang gawin ng mga lalaki ang kaya ring gawin ng mga babae. May mga babaeng siyentista, piloto, at astronaut, at pati na rin mga babaeng presidente at opisyal ng gobyerno, na nagpapatunay na ang mga trabahong kayang gawin ng mga lalaki at babae ay halos magkakapareho, sa kabila ng kaibahan ng kanilang kasarian. Pagdating sa tibay ng katawan at pagpapahayag ng mga emosyon, halos pareho lang ang mga lalaki at babae. Kapag namatay ang kamag-anak ng isang babae, iiyak siya hanggang sa mahapo nang husto dahil sa nakakadurog-pusong pighati; kapag namatay ang mga magulang o kasintahan ng isang lalaki, nananaghoy rin siya nang napakalakas na nakapangyayanig sa lupa; kapag nahaharap ang mga babae sa diborsyo, nalulumbay, nanlulumo, at nalulungkot sila, at maaaring magpakamatay pa nga, samantalang ang mga lalaki ay nanlulumo rin kapag iniwan sila ng kanilang asawa, at ang ilan ay umiiyak pa nang palihim sa ilalim ng kumot. Dahil sila ay lalaki, hindi sila naglalakas-loob na magreklamo tungkol sa pagdurusang ito sa harap ng iba, at dapat silang magpanggap na sila ay malakas, ngunit kapag walang tao sa paligid, umiiyak sila tulad ng isang normal na tao. Sa tuwing may mga partikular na bagay na nangyayari, ang mga lalaki at babae ay kapwa nagiging emosyonal gaya ng inaasahan, iyon man ay pag-iyak o pagtawa. Bukod doon, sa mga tauhan na gumaganap ng iba’t ibang tungkulin at trabaho sa sambahayan ng Diyos, ang mga babae ay may mga oportunidad na maitaas ang ranggo, masanay, at maitalaga sa mahahalagang posisyon, samantalang ang mga lalaki ay mayroon ding parehong mga oportunidad na maitaas ang ranggo, masanay, at mabigyan ng mahahalagang trabaho—ang mga oportunidad ay pareho at pantay. Ang iba’t ibang katiwalian na ibinubunyag ng kababaihan sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at sa pagganap ng kanilang mga tungkulin ay walang pinagkaiba sa mga ibinubunyag ng mga lalaki. Maging sa kababaihan ay may masasamang tao at mga anticristo na gumugulo at gumagambala sa gawain ng iglesia—hindi ba’t ganoon din sa mga lalaki? Iyon ay dahil magkakapareho ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kung sila ay masasamang tao na gumagawa ng masama, gumagambala at gumugulo sa gawain ng iglesia, at nagsisikap na magtatag ng kanilang nagsasariling kaharian, kung gayon, kapag naalis na sila, magkakaroon ba ng anumang pagkakaiba sa pagitan ng mga lalaki at babae? Hindi, lahat sila ay aalisin sa parehong paraan. Sa palagay ba ninyo mas maraming lalaki ang napaalis kaysa sa mga babae? Halos pareho lang. Lahat ng gumagawa ng masama, gumagambala at gumugulo, at maituturing na mga anticristo at masasamang tao, maging lalaki o babae man sila, ay dapat na alisin. Sinasabi ng ilang tao na: “Ang mga babae ay hindi maaaring gumawa ng mga bagay na nakagagambala at nakagugulo, sobrang kahiya-hiya na gumawa ng gayong mga bagay ang mga babae, dapat mas alalahanin ng mga babae ang pagpoprotekta sa kanilang dignidad! Paanong magagawa ng maliliit na babae ang gayong malalaking kasamaan? Hindi nila kaya, dapat silang bigyan ng pagkakataong magsisi. Ang mga lalaki ay mapangahas, ipinanganak sila para gumawa ng masasama, ipinanganak sila para maging mga anticristo at gumagawa ng kasamaan. Kahit na nakagawa lang sila ng kaunting kasamaan, at kahit na wala tayong malinaw na pagkaunawa sa mga pangyayari, dapat pa rin silang itiwalag.” Ginagawa ba ito ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Hindi ito ginagawa ng sambahayan ng Diyos. Inaalis ng sambahayan ng Diyos ang mga tao batay sa mga prinsipyo. Walang kaibahan ang pagtrato nito sa mga lalaki at babae, at hindi nito inaalala ang pagpoprotekta sa dignidad ng mga babae o lalaki, bagkus ay tinatrato ang mga ito nang patas. Kung isa kang lalaking nakagawa ng kasamaan at tumutugma sa iyo ang mga prinsipyo para sa pagpapaalis at pagtitiwalag, kung gayon ay aalisin ka ng sambahayan ng Diyos ayon sa mga prinsipyo; kung isa kang babaeng nagsanhi ng kaguluhan at pagkagambala, at isa kang masamang tao o isang anticristo, aalisin ka rin o ititiwalag, at hindi ka makakaligtas dahil lamang sa ikaw ay babae at ikaw ay umiiyak o lumuluha. Dapat pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Ang mga babaeng mananampalataya ay naghahabol sa mga pagpapala, at may pagnanais at layunin na pagpalain. At ganoon din ba ang mga lalaki? Oo, ganoon din sila, hindi mas maliit ang ambisyon at pagnanais ng mga lalaki na mapagpala kaysa ng sa mga babae. Kaninong paglaban sa Diyos ang mas malubha, ang sa mga lalaki o sa mga babae? Pareho lang lahat. May ilan na magsasabing: “Naiintindihan ko na ngayon sa wakas ang katotohanan, pare-pareho lang palang tiwali ang mga lalaki at babae! Akala ko noon na ang mga lalaki ay matatapang at malalakas, at na dapat silang maging maginoo, at gawin ang lahat nang makatarungan at marangal, at matapat, hindi tulad ng mga babae, na karamihan ay makitid ang pag-iisip, pinalalaki nang pinalalaki ang mga walang kuwentang bagay, palaging pinagtsitsismisan ang mga tao nang palihim, at hindi kumikilos nang matapat. Ngunit hindi ko naisip na marami-rami sa masasamang tao ay mga lalaki, at na ang masasamang bagay na ginagawa nila ay mas malaki at mas marami pa.” Ngayon ay nauunawaan mo na ang mga bagay na ito. Sa madaling salita, lalaki man o babae, pare-pareho lang ang tiwaling disposisyon ng lahat, ang pagkatao lang ng mga tao ang magkakaiba—ito lang ang patas na paraan sa pagturing ng mga lalaki at babae. Mayroon bang anumang pagkiling sa pananaw na ito? (Wala.) Naiimpluwensyahan ba ito ng ideya na ang mga lalaki ay nakatataas sa mga babae? (Hindi.) Hindi ito naiimpluwensyahan ng mga bagay na ito. Sa pagsukat kung ang isang tao ay mabuti o masama, dapat tingnan muna ang pagkatao ng taong iyon, hindi kung siya ay isang lalaki o babae, at pagkatapos ay husgahan ang kanyang diwa batay sa mga pagpapamalas ng kanyang tiwaling disposisyon sa lahat ng iba’t ibang aspekto nito—ganito ang tumpak na pagtingin sa mga tao.

Kung titingnan ito mula sa mga penomenang pinagbahaginan natin kanina, bukod sa mga kaibahan sa kasarian, walang anumang pagkakaiba sa pagitan ng mga lalaki at babae, maging sa pagpapamalas ng kanilang mga likas na gawi, o sa pagbubunyag ng kanilang iba’t ibang tiwaling disposisyon, o sa kanilang kalikasang diwa. Kung diwa ng katawan ng mga tao ang pag-uusapan at ang kanilang mga disposisyon, pati na ang likas na gawi, lakas ng loob, at malayang kalooban na ipinagkaloob ng Diyos sa mga tao noong nilikha Niya sila, walang pagkakaiba ang mga tao. Samakatuwid, kapag tinitingnan ng mga tao ang mga lalaki at babae, dapat nilang tingnan ang mga ito nang hindi batay sa hitsura, lalong hindi batay sa mga ideya ng tradisyonal na kultura na itinuturo ng mundong ito sa mga tao, at sa halip ay batay sa mga salita ng Diyos. Bakit dapat tingnan ng isang tao ang mga lalaki at babae batay sa mga salita ng Diyos? Bakit hindi sila dapat tingnan batay sa mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura? May ilan na nagsasabing: “Sa loob ng libu-libong taon ng kasaysayan ng sangkatauhan, napakaraming pahayag ang nagawa at naisulat sa mga aklat. Wala ba sa mga pananaw at kasabihan ng sangkatauhan ang tama? Wala ba talagang katotohanan sa mga ito?” Sa anong paraan kakatwa ang mga salitang ito? Ang mga tao ay nabibilang sa mga nilikha, sila ay ginawang tiwali ni Satanas sa loob ng libu-libong taon, at puno sila ng mga satanikong disposisyon, na siyang dahilan ng kadiliman at kasamaan sa lipunan ng tao. Walang sinuman ang malinaw na nakakakita sa mga ugat na dahilan, o nakakakilatis kay Satanas, o tunay na nakakakilala sa Diyos. Samakatuwid, ang mga pananaw ng tiwaling sangkatauhan ay hindi naaayon sa katotohanan, at tanging ang Lumikha ang nakakaalam ng lahat tungkol dito. Ito ay isang tiyak na katunayan. Ang katotohanan ay matatamo lamang mula sa mga salita ng Diyos, samantalang ang kultura ng mundo ng tao ay gawa ng katiwalian ni Satanas. Hindi pa kailanman naranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, at walang sinuman ang kayang makakilala sa Diyos, kaya imposibleng makagawa ng katotohanan sa tradisyonal na kultura ng sangkatauhan, dahil ang lahat ng katotohanan ay nagmumula sa Diyos at ipinapahayag ni Cristo. Dahil sa pagtitiwali ni Satanas, ang lahat ng tao ay may satanikong kalikasan at mga satanikong disposisyon. Lahat sila ay sumasamba sa mga kilalang tao at mga dakilang tao, at lahat ay sumusunod kay Satanas. Ang mga tao ay may sariling lihim na mga motibo at pakay kapag tinitingnan o tinutukoy ang ilang bagay. Para kanino man ang mga motibo at pakay na ito, o anuman ang nilalayon ng mga ito, lahat ito ay pinamumunuan ng mga tiwaling disposisyon. Samakatuwid, ang mga bagay na tinutukoy ng tiwaling mga tao at ang mga kaisipang isinusulong nila ay malamang na naimpluwensyahan ng mga tusong pakana ni Satanas. Iyon ay isang aspekto nito. Ang isa pang aspekto, mula sa isang obhetibong pananaw, ay na gaano man kahusay ang mga tao, walang nakakaunawa sa mga silbi, likas na gawi, at diwa ng mga nilikhang tao. Dahil ang mga tao ay hindi nilikha ng sinumang tao, hindi nilikha ng kung sinumang dakilang mga personahe, mga haring diyablo, Satanas, o masasamang espiritu, hindi nauunawaan ng mga tao ang mga likas na gawi, mga silbi, at diwa ng mga tao. Kaya, sino ang pinakanakakaalam sa mga likas na gawi, mga silbi, at diwa ng mga tao? Tanging ang Lumikha lang ang pinakanakakaalam. Sinuman ang lumikha sa mga tao ay ang pinakanakakaalam sa kanilang mga silbi, mga likas na gawi, at diwa at siyempre pa, ang pinakakuwalipikadong tumukoy sa mga tao at magdetermina sa halaga, identidad, at diwa ng mga lalaki o babae. Hindi ba’t isa itong obhetibong katunayan? (Oo.) Ang ginagamit ng Diyos upang likhain ang mga tao, ang mga likas na gawing ibinibigay Niya sa mga tao kapag nililikha Niya sila, ang mga silbi at batas ng kanilang katawan, kung ano ang angkop o hindi angkop na gawin nila, at maging kung gaano katagal ang kanilang buhay—lahat ito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Ang Diyos lamang ang may pinakamalalim na pagkaunawa sa mga taong nilikha Niya, at wala nang iba pang mas nakakaunawa sa mga taong nilikha. Hindi ba’t ito ang katunayan? (Oo.) Kaya, ang Diyos ang pinakakuwalipikadong tumukoy sa mga tao, at magdetermina sa identidad, katayuan, halaga, at silbi ng mga lalaki o babae, pati na sa tamang landas na dapat tahakin ng mga tao. Ang Diyos ang pinakanakakaalam kung ano ang kailangan ng mga taong nilikha Niya, kung ano ang kaya nilang makamit, at kung ano ang makakaya nila. Sa ibang perspektiba, ang pinakakinakailangan ng mga nilikhang tao ay ang mga salitang binibigkas ng Lumikha. Tanging ang Diyos ang personal na makapamumuno, makapagtutustos, at makapagpapastol sa mga tao. Ang lahat ng kasabihang iyon ng tiwaling sangkatauhan na hindi nagmumula sa Diyos ay nakalilihis, lalo na ang mga kasabihan ng tradisyonal na kultura, na lahat ay nanliligaw, nagpapamanhid, at nagkukulong sa mga tao, at siyempre ay nagsisilbing isang uri ng pagpigil at kontrol. May isa pang aspekto, na kung saan nilikha ng Diyos ang mga tao, at ang pinakamalaking inaalala ng Diyos para sa mga tao ay kung kaya nilang tahakin ang tamang landas sa buhay. Samantalang isinasaalang-alang lamang ng mga lipunan, bayan, at bansa ang mga interes ng mga naghahari-harian at ang katatagan ng rehimeng pampulitika, nang walang pagmamalasakit sa buhay ng mga nasa mababang uri. Bilang resulta, nangyayari ang ilang matindi at magulong bagay. Hindi nila ginagabayan ang mga tao sa tamang landas, upang makapamuhay ang mga tao ng isang buhay na may halaga at kalinawan, at makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, sa halip, gusto nilang pagsamantalahan ang mga tao para sa kapakanan ng sarili nilang pamumuno, ng sarili nilang mga propesyon, at ng sarili nilang mga ambisyon at hangarin. Anumang pahayag, o anumang ideya at pananaw ang itinataguyod nila, ang layunin ng lahat ng ito ay ang ilihis ang mga tao, ikulong ang kanilang mga kaisipan, at kontrolin ang sangkatauhan, para paglingkuran sila ng mga tao at maging tapat sa kanila ang mga ito. Hindi nila isinasaalang-alang ang kinabukasan o ang mga inaasam ng sangkatauhan, o kung paano mas makakaligtas ang mga tao. Ngunit ang ginagawa ng Diyos ay ganap na naiiba dahil ito ay naaayon sa Kanyang plano. Pagkatapos likhain ang mga tao, ginagabayan Niya sila tungo sa pag-unawa ng marami pang katotohanan at prinsipyo para sa pag-asal, at malinaw Niyang ipinapakita sa kanila ang mga katunayan ng pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Sa pundasyong ito, ayon sa mga katotohanang prinsipyong ito na itinuturo ng Diyos sa mga tao at ginagamit Niya upang paalalahanan sila, nagagawa na nilang tumahak sa tamang landas sa buhay.

Ang mga regulasyon at kaugaliang ito ng wastong asal sa tradisyonal na kultura ay napakalawak at nakakaimpluwensya sa pag-iisip ng mga tao mula sa lahat ng uri ng aspekto, nililihis at kinukulong nito ang pag-iisip ng mga tao. Ang pinagbahaginan natin ngayon ay ang ilang baluktot na mga kasabihan at pananaw ng tradisyonal na kultura tungkol sa kasarian, na labis na nakaimpluwensya sa mga tamang pananaw ng mga tao sa kasarian, at isinailalim din nito ang mga lalaki at babae sa napakaraming tanikala, gapos, hadlang, diskriminasyon, at iba pa. Lahat ito ay mga katunayan na nakikita ng mga tao, at ang mga ito rin ang epekto at kahihinatnan ng tradisyonal na kultura sa mga tao.

Mayo 14, 2022

Sinundan: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 10

Sumunod: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 12

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito